A Tolerable Favor
Hampyyy · 1 chapter · 1,366 words
Prologue
CATCHING UP
Mula sa entrada ng isang sikat na unibersidad ay may isang kaliitang binata ang humihingalong tumatakbo papasok. Kakasimula pa lamang ng pasukan ngunit mayroon kaagad pagod at tila hihimatayin dahil sa pagmamadaling ginawa nito.
Dahil sa unang araw ng pasukan ay kitang-kita ang haba ng pila papasok ng unibersidad. Kaya naman ang binatang hinihingal ay agad na kinuha ang panyo sa kanyang bulsa at ipinampunas ito ng kanyang pawis.
Todo lingon ito sa harapan at naghihintay na umusad na ang mahabang pila at nang makapasok na siya.
Mahigit labing anim na tao ang nasa harapan niya at tila nagkakaroon pa ng diskusyon ang gwardya at ang lalake sa harapan dulot ng kakulangan ng dokumentong dala-dala nito.
Mula sa kanyang kinatatayuan ay rinig na rinig na ang tunog ng mga instrumento sa loob ng unibersidad. Tila may masiglabo at mainit na pagtanggap ang prenipara ng mga naunang mag-aaral rito para sa mga freshmen na papasok ngayon taon.
Kung gaano kagalak at kabilis ang tempo ng mga instrumento ay ganun rin ang sigla na nararamdaman ng binata habang tinatanaw ang loob ng paaralan mula sa gate.
“Manong, matagal pa po ba yan? Ang haba na po rito ng pila oh.” Tawag pansin ng estudyanteng nasa harapan ng binata na nakapila rin.
Dahil sa winika ng binata ay nagkaroon ng mga usap-usapan na naging dahilan upang maging maingay at magulo ang pila papasok.
“Kuyang guard naman, papasukin niyo na po kasi ako kita niyo po ba sa likod yung haba ng pila?” Rinig na pakiusap ng lalaki na nasa pinakaunahan ng pila. “Wala pa nga po kasi ako ng ID dahil kukunin ko palang po roon ngayong araw. Kahit tanungin niyo pa po yung registrar, sila pa po nagsabi na balikan ko na lamang po sa unang araw ng pasukan which is ngayon.” Pagdadahilan nito.
Dulot ng gulo at ingay ay napakamot na lamang ng ulo ang gwardya at hinayaang pumasok ang estudyanteng wala pang ID. Nang makita ang pag-alis ng lalaki sa unahan at ang pagpasok nito ay agad na nagpalakpakan ang mga nasa pila at nagkaroon pa ng tawanan.
Halata sa mukha ng binata ang kakaibang environment mayroon ang lugar na ito – hindi katulad ng kinalakihan at pinag-aralan niya sa sekondarya. Kahit na kakaiba ang unang tagpo ay bakas pa rin ang galak at saya sa mukha ng binatang paunti-unti nang nakakalapit sa pasukan ng gate.
“Para maging madali ang pagpasok, ilabas niyo na kasi ang mga ID niyo. Hindi yung nakasilid pa sa mga bag niyo at dito niyo lang bubuksan kung kailan nasa harapan na.” Sigaw ng gwardya na tila naiinis sa katigasan ng mga estudyante na kakapasok palang.
Dahil sa suhestyon ay agad na sumunod ang ilan sa mga nakapilang estudyante na naging dahilan para mas maging mabilis ang daloy ng pila. Sa mahigit isang minuto lang ay agad na nakatapak ang binata sa mismong harapan ng gate kung saan nakatayo ang gwardya.
Katulad ng inaasahan ay hinayaan na lamang siya nitong dumaan matapos makita ang ID na suot-suot nito. Nang makadaan ay mas lumawak ang ngiti sa labi nito kasabay ng malalaking hakbang na ginawa nito kahit na may kaliitan lamang ang binti niya.
Habang papalapit sa tila isang hall kung nasaan ang karamihan ng mga freshmen katulad niya ay narinig niya ang napakalakas at masiglang bati ng isang tao sa mikropono.
“ ARE YOU READY
SIREANEANS
?!“
Malakas na sigawan ang pinakawalan ng mga estudyante na nagprepresenta ng kanilang pagsang-ayon.
Kagaya ng naturang mga programa ng mga event kasunod ng tanong ay ang pagpapakilala ng mga importanteng tao sa institusyon na ito. Katulad ng president, mga dean ng kada departamento, at iilang mga taga pangasiwa ng mga kilalang programa ng unibersidad.
Ngunit sa gitna ng pagkilala ay mayroong isang tao na pumalit sa pagpapakilala ng mga naturang mga tao. Ito ang tao na naging dahilan upang mabitawan ng binata ang hawak-hawak nitong panyo.
“Good morning everyone, I’m Andy Jo–.”
“Jones.” Mahinang bigkas ng binata habang tutok na tutok at tila nanigas na sa kinatatayuan nito ng magpakilala ang taong nasa gitna ng entablo sa harapan ng lahat ng mga bagong estudyante.
Hindi magawang gumalaw ng binata habang sinusulit ang bawat segundong tinatanaw ang taong mukhang matagal niya nang hinahanap. Pati nga ang sinasabi nito sa kanyang talumpati ay hindi na nito marinig dahil sa sobrang pagkatitig sa mukha nito.
Naputol lamang ang kanyang malagkit at matinding pagkakatitig nang marinig ang sigawan ng mga kababaihan at pati kabaklaan sa likuran niya.
“Anakan mo ako, Andy!”
“Ako nalang, please!!!”
“Ang pogi mo talaga, Pres”
“Kahit anong posisyon basta ikaw, Andyyyy!!”
Hindi makapaniwala ang binata sa mga narinig mula rito. Wala sa kanyang kamalayan na sobrang daming tao ang nagkakandarapa at naghahabol sa taong hinahangaan niya mula simula noon.
Kung kanina ay bakas ang pinaghalong saya at gulat nang makita ito ay agad naman itong nagbago. Napalitan ito ng pagkadismaya at lungkot.
Dahil sa natadama ay agad na nawala ang kanyang pokus na naging dahilan upang bumalik siya sa ulirat. Nakita niya ang nahulog na panyo kaya naman agad siyang yumuko para sana damputin ito nang makaramdam siya ng pagbundol sa kanyang likuran.
“Ay, sorry.” Agad na paghingi ng tawad ng babae na nasa likod niya.
“A-ayos lang, kasalanan ko rin dahil agad akong yumuko ng ’di ko pinapansin.” Paliwanag nito habang umiikot patalikod upang harapin ang babae.
“No, it’s on me. Nagmamadali kasi ako. Sorry talaga ha, pero I need to go na talaga.” Pahingi ulit nito ng tawag.
Ngumiti ng payak ang binata at tumango ito kasabay ng pagtalikod ng babae at pagtakbo papunta sa likurang parte ng istruktura.
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay ibabalik na sana niya ang atensyon sa lalaking nagsasalita sa harap nang marinig na patapos na pala ito.
“… and I hope that you all would have a wonderful and meaningful journey in this prime university.” Pagtatapos nito sa kanyang mensahe.
Katulad ng inaasahan nagkaroon ulit na malakas na sigawan at palakpakan para sa taong nagsalita sa harapan. Kung ihahambing pa nga ito sa unang nagsalita ay makikita mo ang malaking deperensya.
Ang pinagsama-samang hiwayan at palakpakan ng mga nauna ay katumbas lamang ng hiwayan at palakpakan ng pagtatapos ng mensahe nito.
Kung ang iba ay nakatuon ang pokus sa pagpapalakpak at paghihiwayan ay naiiba ang binata. Dahil habang hindi pa tuluyang nakatalikod ang presidente ng organisasyon ng mga mag-aaral ay sinulit niya ang pagkuha ng larawan nito. Walang segundong pinalampas at ang bawat galaw ng lalaki sa entablado ay nakuhaan ng kanyang kamera.
Ngiting tila nagtagumpay ang nakapaskil rito at mas malawak pa ito kumpara sa nagawa niya kanina sa harapan ng paaralan.
Nang makaalis ang mga nasa entablado ay agad na nagkalat ang mga estudyante papunta sa mga booth na nakatayo palibot sa isang daan papunta sa court.
Madaming mga pagkain, laruan, laro, at mga gimmick ang naroroon. May mga libre rin katulad ng iilang sweets, accessories, at pagkain na nakalaan sa mga bagong mag-aaral ng unibersidad.
Sa kabila ng mga atraksyon at masasayang booths na naroroon ay iba ang gustong makita ng binatang naglalakad. Bakas sa mukha nito na mayroong hinahanap at hindi mapakali. Kaya naman agad itong lumapit sa isang mag-aaral na tiyak siyang dati nang nag-aaral rito.
“A.. eh… P-pwede po bang magtanong?”. Magalang nitong tanong.
“Freshie ka no? Sige, ano yun?” Masigla nitong tanong.
“Opo, saan po ba dito yung office ng student council?” Direkta nitong tanong.
“Iyon ba? Medyo may kalayuan iyon dito. Pero kung babalik ka doon sa dinaanan mo malapit sa front gate. Yung second floor ng third building sa left side. Nandoon ang mga pogi beh.” Kinikilig na wika nito.
“Ganun po ba, salamat po, Ate.” Pasasalamat ng binata sa dalagang nagbabantay ng isang booth na puno ng gawang bracelet.
“Walang anuman, cutie. Basta balik ka rito para bumili mamaya ha!”
Tanging ngiti na lang ang nasagot ng binata habang tinatahak ang daan patungo sa lugar na maaaring kinaroroonan ng taong hinahanap niya.
Habang naglalakad ay marahan niyang inabot ang isang supot ng plastik sa kanyang backpack at tiningnan kung naroroon pa ang mga bagay na binili niya.
Laking tuwa nito ng maramdaman ang hugis ng bagay na ito.
’Sana ay hindi niya pa
nakakalimutan
ito’

