Alas Tres ng Madaling Araw (Compilation of Short Horror Stories)
misterdisguise · 27 chapters · 43,745 words
BOOKSIGNING
Hi, guys!
Let’s meet again. Wala ka bang ka-date ngayong Valentine’s Day? Be our date! Samahan mo ako kasama ang ilan pang PSICOM at VIVA-PSICOM Authors. Let your books be signed by your favourite authors. Plus, may special guest pa!
WHEN: February 14, 2016 (Selling starts at 10 AM)
WHERE: SM Megatrade Hall Functions Room A&B, Bldg. B (SM Megamall)
For more details, visit the PSICOM Publishing Inc. page.
Alas-Tres ng Madaling Araw
Minsan na ba kayong nagising nang alas-tres ng madaling araw o kilala bilang ‘Devil’s Hour’? Aktibo ang mga demonyo sa ganitong oras dahil patay daw ang Diyos na siyang proprotekta sa inyo. Sa tuwing magigising kayo ay galugarin niyo ang inyong bahay. Hindi mo ba siya nakikita? Hindi mo ba siya nararamdaman? Ayun siya, oh! Nakatingin sa ’yo mula sa madilim sa sulok ng iyong kuwarto.
Hindi natin alam kung isang mabuting anghel o isang sugo ni Kamatayan ang siyang sa ’yo’y lulukob.
Simulan mo nang sambitin ang lahat ng alam mong dasal dahil unti-unti ay lumalapit siya sa ’yo. Upang ikaw ay kamkamin… Upang ikaw ay sindakin… Upang ikaw ay PATAYIN!
—-
Ito ay compilation nang maiikling kwento na mula sa baul ng aking imahinasyon. Maaari kayong magbasa pero binabalaan ko kayo. Kung magbabasa kayo ay huwag sa gabi. Hindi mo alam na nakikibasa na rin pala ang demonyo sa iyo.
Lahat ay orihinal kaya huwag niyo akong aakusahang nagnakaw. Ipapakain ko kayo sa kampon ko!
P.S. Maaari kang magpadala sa akin ng iyong sariling karanasan upang masama sa compilation na ito.
Ang Sikreto ni Diego
Ang Sikreto ni Diego
Lumaki ako na ako na lang mag-isa ang bumubuhay sa aking sarili. Walang magulang. Walang mga kapatid. Ulila na nga kumbaga. May mga buhay na kamag-anak ngunit tila mga patay na rin para sa akin. Ni katiting na tulong ay wala akong natanggap mula sa kanila.
"Diego! Diego! Diego!" Ayan na naman ang malalakas na kalabog sa pinto ni Aling Miling.
Lumunok lang ako ng laway at saka mataimtim na nag-isip ng maaaring idahilan sa kanya. Tumayo ako na tila walang inaaalala at marahang binuksan ang pinto.
"Magandang umaga, Aling Miling," magiliw kong bati sa kanya.
Naroroon na naman ang mataray niyang tingin sa 'kin na naninindak. Inilahad niya sa akin ang kanyang kamay habang nakapameywang. "Ang bayad mo sa renta, aber?"
Nangamot na lang ako ng ulo. "Pwede bang next week na lang, Aling Miling. Pangako, magbabayad na ako ng renta. Hindi kasi kaagad nagpasweldo ang amo ko," pagdadahilan ko sa kanya.
"Ilang beses ko na ba narinig 'yang palusot mo?" aniya at tila nagbilang pa sa hangin. "Sampu? Wala ka na bang alam na idadahilan?! Aba! Kung wala kang pambayad sa renta ay mabuting magbalot-balot ka na! Hindi libre ang pagpapaupa ko sa 'yo rito. Hindi ako DSWD na kaya kang kupkupin!"
"Pangako talaga, Aling Miling. Magbabayad na ako next week!" pagsumamo ko.
"Pangako, pangako! Lagi namang napapako! Oh siya! Basta next week, kung wala pa, simulan mo na'ng magbalot-balot," huli niyang saad bago lumisan.
Nakahinga ako nang maluwag. May isang linggo pa akong palugit para makapag-ipon ng ipambabayad. Pero paano? Kung pati sa pagkain ay kapos ako?
Hindi ko namalayan na nginangata ko na ang aking daliri dahil sa sobrang pag-iisip. Minsan pa nga ay hindi ko sinasadyang makagat ang aking daliri dahil sa malayo-layo na rin ang nararating ng aking pag-iisip.
Pinagmasdan ko ang mga daliri ko. Halos mabalatan na ang mga iyon dahil sa tindi ng pagngatngat ko. Gayunpaman, hindi ko pa rin maiwasan ang bisyo kong ito. Sa paraang ito kasi kumakalma ang katawan ko.
Humilata ako sa kama matapos ang pakikiusap kay Aling Miling at saka kinuha sa mesa ang nakapatong kong cellphone. Hawak-hawak ang cellphone na tanging umaasa sa free data, naniniwala akong makakahanap na ako ng bago kong mapagtatrabahuan. Madalas ang pagtambay ko sa mga fb groups, nagbabaka-sakaling makakahanap ng legal na trabaho.
Hindi kasi batid ni Aling Miling na nawalan na ako ng trabaho. Ilang linggo na rin akong nakatambay sa inuupahan simula nang magsara ang kumpanya. Tiyak kasi na agaran niya akong papaalisin kapag nagkataon na malaman niya.
Ilang minuto rin ako nagpanay taas-baba sa newsfeed ko pero wala ni isa akong makita. Kung hindi kasi networking ang makita ko, mga agency na nang-iscam naman ang makikita ko.
Napabuntong-hininga ako sa kawalan. "Bakit ko ba kasi nararanasan 'to?" Bumalik na naman ako sa dati kong gawi. Sisisihin ang sinuman sa kinasadlakan ko at kakaawaan ang sarili. Nagtatanong ako madalas sa sarili ko kung ano bang naging kasalanan ko sa Diyos at ganitong parusa ang ipinataw niya sa akin.
Ngata-ngata ang mga daliri, hindi ko namalayang napadiin ako at nasugatan ko ang mga iyon. Natikman ko ang mala-bakal nitong lasa. Nagpatuloy ang pag-agos ng mga sariwang dugo hanggang sa sipsipin ko iyon upang tumigil sa pagdaloy.
Nakakatwang isipin na may kakaibang dulot ito sa katawan ko. Ang sarap nito na animo'y dugo ng madalas kong kinakaing turo-turo sa kalsada. Hindi ko namalayang isinusubo ko na nang buo ang daliri ko na tila isang masarap na putahe.
Ang pagsadsad nito sa dila ko na nagbibigay ng kakaibang kiliti sa katawan ko. Nagpatuloy ako sa pagkagat hanggang sa maramdaman ko na ang kirot.
"Puta!" pagmumura ko. Lalong lumaki ang sugat sa daliri ko. Napapailing ako habang pinagmamasdan ko mga daliri ko. Puno ng dugo iyon na nang-aakit sa akin para sipsipin. Gumagawa ang imahinasyon ko ng kakaibang rehistro mula sa aking mga duguang daliri.
"Parang masasarap na longganisa," ani ko.
"Puta!" mura kong muli at saka mabilis na dumako sa kusina upang kunin ang first aid kit. Hinugasan ko muna ang kamay ko at saka pinatuyo bago nilapatan ng paunang lunas.
Nagpadausdos ako paibaba hanggang sa maupo sa paanan ng lababo. Hindi ko lubos akalain na kakayanin kong tikman ang sarili kong laman.
Para akong baliw na malikot ang mga mata sa bawat sulok ng bahay, tila naghahanap ng anumang mapaglilibangan at pupukaw ng atensyon ko. Natatakam ang panlasa ko sa karne. Marahil ay uhaw lang ang tiyan ko sa pagkain ngayon lalo na't delata at instant noodles lang ang magiging sandigan ko.
Mayamaya lang, narinig kong tumunog ang cellphone ko. Dali-dali akong tumayo at tiningnan ang pangalan na nakarehistro mula sa screen no'n.
Si Jessica, tumatawag.
Isang buwan pa lamang kaming magnobyo't magnobya ni Jessica. Masaya naman ang pagsasama namin. Ngunit tulad ng kay Aling Miling, hindi ko masabi sa kanyang nawalan na ako ng trabaho. Sa pagkakataon kasing malaman niya, hindi malayong hiwalayan niya ako. Siya na lang ang natitirang mayroon ako. Hindi ko na yata kakayanin pang mawala siya sa piling ko.
"Good morning, Hon," bati ko sa kanya nang sagutin ko ang tawag.
"Nandito ako sa labas ng apartment mo," aniya.
"Oh, bakit hindi ka pumasok?"
Tumahimik siya sandali.
"Nand'yan ka pa ba?" tanong ko. "Lalabas na lang ako para sunduin ka."
Dumiretso ako sa pinto pero saktong naroroon na rin siya sa tapat ng pintuan. Hindi siya nakangiti nang mabungaran ko.
"May problema ba?" nag-aalala kong tanong.
Umiling siya at nagpilit ng ngiti. Matapos 'yon, inanyayahan ko siyang pumasok sa loob. naupo siya sa gilid ng kama at nanatiling tahimik.
"Kumain ka na ba? Ano bang gusto mong kainin?" tanong ko. Pinagmasdan ko siya. Hindi siya nakatingin sa akin. Nakayuko lang siya at pinagmamasdan ang sahig.
"May nagawa ba ako?" tanong ko at saka lumapit sa kanya. Naupo ako sa kanyang harapan at pilit siyang kinakausap.
"Bakit hindi mo sinabing nawalan ka na ng trabaho?" tanong niya.
Napalunok ako ng laway. "Ano'ng sinasabi mo?"
"Narinig ko ang pag-uusap niyo ng landlady niyo. Pumunta rin ako kamakailan sa trabaho mo pero nalaman kong sarado na iyon. Bakit hindi mo man lang sa akin sinabi?" naiiyak niyang saad.
Nagsimula na akong panghinaan ng loob. Hindi ko na magawang magdahilan pa sa kanya. Nahuli na niya ako sa akto.
"Natakot kasi akong mawala ka kapag nalaman mong nawalan na ako ng trabaho. Alam mo namang hindi ko kayang mawala ka, 'di ba?" saad ko at saka mahigpit siyang hinawakan sa kamay, nagsusumamo.
"Gano'n ba ang tingin mo sa akin? Mababaw na babae? At nagawa mo pang magsinungaling?" sarkastiko niyang sabi.
"Hindi! Hindi gano'n! Mahal na mahal kita. Hindi kita kayang lokohin," pagmamakaawa ko.
Tumayo siya habang nananatili akong nakaluhod, hawak-hawak ang kanyang kamay.
"Pwes! Nagawa mo na ngayon," mariin niyang sabi at saka nagsimulang maglakad palabas.
"Hindi ka pwedeng umalis!" galit kong sabi.
"Wala kang magagawa," aniya.
Hinablot ko ang buhok niya dahilan para bumagsak siya.
"Ano ba?! Nasasaktan ako!" pagmamaktol niya. "Tulooooong!"
Sa sigaw niyang iyon, naalarma ako. Kumuha ako ng piraso ng tela at saka sinalpak sa kanyang bibig. Itinali ko rin ang mga kamay niya upang hindi siya makakilos. Bumagsak na ang mga luha niya marahil ay dahil sa takot.
Hinawakan ko ang kaawa-awa niyang mukha. "Kapag sinabi kong akin ka lang, akin ka lang. Naiintindihan mo ba?!"
Ilang segundo lang ay may biglang kumatok. Huminga ako nang malalim bago tumayo.
"Huwag kang gagawa ng ingay. Kung hindi..." saad ko at saka sumenyas na gigilitan ang kanyang leeg. Kinuha ko ang baseball bat na nasa gilid ng pinto.
Binuksan ko ang pinto nang bahagya at bumungad ang kapitbahay ko.
"Magandang umaga," pagbati ko.
"Ahhmm. Para kasing nakarinig ako ng ingay kanina. Ayos ka lang ba d'yan?" tanong niya.
"Oo naman. S-Siguro 'yong pinapanuod ko lang na movie 'yong narinig mo. Napalakas ko lang siguro 'yong volume," pagdadahilan ko.
"Wait. Ano 'yong ingay na 'yon?" tanong niya nang makarinig nang ilang kalabog.
"Baka 'yong pusa ko lang," saad ko at saka mahigpit na hinawakan 'yong baseball bat.
"Hindi. Iba talaga 'yong narinig ko. Hindi simpleng ingay lang 'yon na gawa ng pusa," pagpupumilit niya at saka marahas na pumasok sa unit ko.
"Putangi –" Bago pa man niya matapos ang sasabihin, mabilis kong inihambalos sa kanya ang hawak kong baseball bat. Duguan siyang bumagsak sa paanan ko. Kita ko sa mga mata ni Jessica ang takot habang pinagmamasdan ang duguan kong kapitbahay.
"Ayoko pa naman sa lahat ay 'yong pakialamero," saad ko at saka masamang tiningnan si Jessica.
Sumapit na ang gabi. Kumakalam na rin ang sikmura ko. Tulog si Jessica dahil siguro sa matinding pagod. Bumabalik na naman ang pagkatakam ko sa laman habang pinagmamasdan ang nakahandusay na katawan sa sahig.
Ang sariwa niyang dugo...
Ano kayang lasa ng kanyang katawan?
Hinila ko siya papasok ng kusina. Medyo mabigat na rin ang kanyang katawan marahil ay dahil hinayaan kong ma-expose.
Kinuha ko ang sangkalan at itak at saka inilapag ang kanyang ulo roon. Tinantya ko ang kanay katawan na tila isang mhusay na matador. Iniangat ko ang hawak na itak at saka hiniwa ang kanyang leeg. Medyo matigas na ang kanyang katawan dahil na rin siguro sa natuyot na dugo nito.
Tumitilamsik sa mukha ko ang natitira pa niyang dugo. Lasang-lasa ko ang kanyang malapot-lapot na dugong sumisirit sa kanyang leeg.
Nang mapaghiwalay ko, isinunod ko ang kanyang mga daliri. Tumikhim ako ng isa. Matigas at makunat iyon pero malasa. Siguro ay kailangan lang ng kaunting pakulo para lumambot. Kung anu-ano na ang tumatakbo sa utak ko sa tuwing nakikita ko ang kanyang katawang pinipiraso. Pakiramdam ko, isang matabang baboy ang nabingwit ko.
Pinira-piraso ko ang kanyang buong katawan at isa-isa 'yong tinikman. Ang masasabi ko lang, masarap ang balat niya sa dibdib. Sagana iyon sa dugo at mas malambot. Kumbaga sa manok, breast part ang paborito ko.
Kinuha ko ang kanyang duguang ulo. Dilat pa ang kanyang mga mata na tila nakatitig sa akin. Dinilaan ko ang kanyang malambot na pisngi. Mas masarap siguro siyang tikman kung buhay pa.
Sinimulan kong sundutin ang kanyang mga mata. Tila maliliit na bola ng golf ang nakikita ko nang hugutin ko. Dinilian ko ang gild ng kanyang mga mata nang makitang may tumutulong dugo mula roon.
Tila nabubuhay ang katawan ko dahil sa sarap ng karne ng tao. May kakaibang kiliti ito sa aking panlasa.
Habang abala ako sa pagkain, napansin ko ang ingay ng mga sasakyan ng pulis. Napakunot ako ng ulo. Napalingon ako sa pwesto ni Jessica pero natagpuan kong wala na siya roon. Narinig ko ang ilang yabag ng mga paa na papalapit sa apartment ko.
Natataranta ako.
Bumukas ang pinto.
"Itaas mo ang mga kamay mo!"
Itinaas ko ang mga kamay ko... dahil sa ngalay. Kanina pa ako nagpapaypay ng mga inihaw na karne. Walang patid ang pagdagsa ng mga gustong makatikim sa mga iniihaw ko. Iba talaga ang lasa nito... lalo na kung sariwa.
"Ang sarap talaga ng barbeque niyo, Mang Diego," saad ng isang batang lalaki habang nilalamutak ang isang istik ng barbeque.
"Masarap talaga 'yan kasi espesyal," sagot ko naman. "Gusto mo pa ba?" tanong ko. Hindi naman siya tumanggi at mabilis na inabot ang inaalok ko.
"Matanong ko lang. Ano ba 'yang pilat niyo sa mukha, Mang Diego?" usisa niya.
"Ah, ito ba?" Tinuro ko ang mahabang pilat ko sa mukha. "Nadaplisan ng bala ng baril."
Tango lang ang naging sagot ng bata.
Bakasyon (Part 1)
“Alam mo ba kung bakit ka nilalamig?” Huminto siya saglit bago ulit nagsimulang magsalita. “Dahil nakasampa siya sa likuran mo.”
Tradisyon na sa pamilya namin ang magbakasyon sa Tagaytay tuwing summer. Bukod kasi sa doon kami nakatira nang bata pa ako, panahon rin ang summer para magpahinga at magsariwa.
Pero hindi ko inaasahan na kakaibang bakasyon pala ang dadanasin ko, isang malagim at nakakakilabot na karanasan na hindi ko makakalimutan.
Naisipan namin na sa madaling-araw na lang bumyahe para masulit ang dalawang linggong bakasyon. Para pagdating namin doon ay pupwede na kaagad mamasyal. Alas-tres nang magsimula kaming bumyahe mula Maynila.
Umidlip na muna ako sandali para makabawi-bawi ng tulog at lakas. Nasa bandang Cavite na kami nang biglang tumigil ang sasakyan. Papikit-pikit pa ako ng mga mata nang mga sandaling ’yon, pilit tinitingnan nang maayos ang paligid.
“Bakit tayo huminto?” tanong ni Mama kay Papa na siyang nagmamaneho.
Hindi naman maipinta ang itsura ni Papa na parang hindi mapakali sa isang tabi. “Naiihi lang ako,” ani Papa. Sabay naman kaming napakamot ng ulo ni Mama at saka natawa. Si papa talaga, laging joketime.
Habang hinihintay ko si Papa sa loob ng sasakyan, iginala ko ang mata ko sa paligid. Ngayon ko lang napansin na hindi pamilyar sa akin ang dinaanan namin. Naliligiran kasi ng matatayog na mga puno ang paligid at wala kang makikitang bangin. Sa tagal kong bumabyahe sa Tagaytay, nakabisado ko na ang ruta nito kaya alam ko kung may pagbabago ba.
“Ma, nasaan po tayo?” tanong ko kay Mama.
“Shortcut daw sabi ng Papa mo para mas mabilis,” sagot naman niya. Napatango na lang ako.
Binalik ko na lang ang tingin ko sa labas. Unti-unti ng nag-aagaw ang dilim at liwanag sa kalangitan. Napatingin tuloy ako sa relo ko at napansing mag-aala sais na nang umaga.
Sumandal ako sa bintana ng sasakyan. Biglang naagaw ang atensyon ko ng isang bata na nakadungaw mula sa puno. Halos maningkit tuloy ang mata ko para makasigurado kung bata ba talaga ang nakikita ko. Nasiguro ko na bata iyon nang bigla itong umiwas at nagtago sa puno.
Inabangan ko kung magpapakita pa ulit siya pero nakarinig lang ako ng mahihinang kaluskos. Palapit nang palapit iyon sa pwesto ko. Napapalunok ako ng laway dahil sa takot. Nakayukom ang mga palad ko na bumabaluktot sa hilakbot.
“Bulaga!” Halos mapabalikwas ako nang biglang sumulpot si Papa sa bintana. Tumilapon ako sa kabilang gilid ng backseat. Sapo-sapo ko pa ang puso ko na ngayon ay sobrang bilis ng tibok.
“Papa naman, e!” inis kong sabi. Narinig ko pa ang malakas niyang tawa. Humalukipkip ako sa sobrang pagkainis. Napansin naman ni Papa ang pagkainis ko kaya agad din siyang humingi ng paumanhin.
Pinilit ko na lang ang sarili kong ngumiti kahit na sa loob-loob ko ay may pagkainis pa rin ako. Nang nagsimulang paandarin ulit ang makina ng sasakyan, tila kakaibang lamig ang tumabi at humaplos sa aking katawan. Awtomatiko namang nagtaasan ang aking mga balahibo sa katawan.
“Ayos ka lang ba, Michelle?” nag-aalalang tanong sa akin ni Mama. Napansin niya sigurong kinakabahan ako.
“A-ayos lang po ako,” pagsisinungaling ko.
“Hayaan mo. Lagot sa atin si Papa mo pagkauwi natin,” nakangiti niyang sabi. Gusto ko sanang sabihin na may kakaiba akong nararamdaman pero marahil ay hindi nila ako paniwalaan.
Unti-unti kong nararamdaman ang pag-akyat ng kakaibang lamig sa aking katawan. Hindi ko maikilos ang buo kong sistema. Nanunuot ang lamig hanggang sa aking mga laman.
Tagaktak na ang pawis ko dahil sa sobrang kaba. Ramdam ko ang mabilis na pagpintig ng dibdib ko. Kasabay no’n ay ang walang tigil na paglibot ng kakaibang lamig sa aking katawan na parang niyayakap ako at gustong angkinin ang katawan ko.
“Michelle, ayos ka lang ba talaga?” Halata na sa mukha ni Mama ang matinding pag-aalala.
Sa pagkakataong iyon, hindi ko na nagawang makapagsalita. Tanging luha na lang ang naging tugon ko. Dali-dali naman nilang inihinto ang sasakyan at pumunta sa backseat. Hinawakan nila ang namumutla kong balat.
“Nilalagnat ka!” bulalas ni Mama.
Hindi ko maramdaman ang nag-aapoy kong balat. Basta lamig lang ang tangi kong nararamdaman - lamig na hindi ko pa rin maipaliwanag.
Dali-dali namang kumuha si Papa ng tubig at binasa ang bimpo. Ipinunas nila iyon sa naglalagablab kong katawan. Nararamdaman ko na unti-unti akong nawawalan ng hininga kasabay ang pangangatog ng aking katawan sa matinding lamig.
“Jusko! Ano bang nangyayari sa ’yong bata ka?” nag-aalalang sabi ni Mama habang hinahaplos ang buo kong katawan.
“A-ang l-lamig…” nanginginig kong sabi. Nanunuyo na ang namumuti kong labi. Halos magkulay ube na rin ang dulo ng aking mga daliri.
“Dalhin na natin siya sa doktor!” histerikal na sabi ni Mama.
Napailing naman si Papa. “Malayo ang ospital dito. Iuwi na muna natin siya para makapagpahinga,” paliwanag ni Papa.
Sumang-ayon naman si Mama kaya agad na pinaandar ni Papa ang sasakyan hanggang marating namin ang aming bahay sa Tagaytay. Sa buong biyahe pauwi, tila nawawala na ang kakaibang lamig. Umaayos na rin ang aking pakiramdam maging ang aking paghinga ay bumabalik sa tama nitong sistema.
Hinaplos ko ang balat ko at hindi na ito gano’n kainit kagaya kanina. Naikikilos ko na rin ang buo kong katawan.
Ilang saglit lang ay nakarating na kami. Hindi na kami inabot ng isang oras para lang makarating. Bumaling muna sa akin sina Mama at Papa bago bumaba ng sasakyan.
“Ayos ka na ba?” nagtatakang tanong ni Papa.
Tumango ako kasabay ang pangungunot ng noo. “Parang walang nangyari.”
Pareho tuloy silang nagtaka dahil kani-kanina lang ay halos mamatay na ako na siyang ibang-iba sa kondisyon ko ngayon. Maging ako ay nagtataka dahil sa agaran kong paggaling. Hindi ko tuloy malaman kung dala lang ba ito ng pambibiro sa akin ni Papa kanina.
Bumaba na kami ng sasakyan. Sakto lang dahil tuluyan ng sumilay ang liwanag sa buong kalangitan. Pero bago pa man ako makababa, naramdaman ko ulit ang pagsampa sa akin ng kakaibang lamig.
Napailing na lang ako at ipinagsawalang-bahala ang naramdaman. Marahil ay dahil sa hamog iyon na nanggagaling sa mga puno na agad bumugad sa akin pagkababa.
Sinalubong kami nina Lola at ang kasambahay nitong si Aling Rose. Nakangiti silang pareho nang humarap sa amin. Tila malaki ang itinanda nila kung pagbabasehan sa itsura nang huli naming pagkikita.
“Salamat naman at napadalaw kayo. Matagal-tagal din nangulila ang bahay sa inyong presensya,” nakangiti ngunit malungkot na sabi ni Lola.
“Parang tatlong buwan palang naman po ang nakakalipas, Ma. Hindi ba’t dito kami nagdiwang ng Bagong Taon?” ani Papa.
“Tatlong buwan din iyon. Hindi biro ang tagal no’n,” wika naman ni Lola.
Nangunot naman ang noo niya nang igala niya ang kanyang mata sa aming tatlo. “Akala ko ay apat kayong pumunta rito,” untag ni Lola. Nagkatinginan naman kami nila Mama sa sinabi nito. “Para kasi akong nakakita ng bata na bumaba sa sasakyan kasabay si Michelle.”
Halos magsiakyatan ang kilabot sa buo kong katawan. Pakiramdam ko tuloy ay may nakatingin sa akin. Hindi ko tuloy napigilan ang kabahan lalo na’t sa akin pa sumabay ang batang tinutukoy ni Lola.
“Kami lang pong tatlo ang nandito. Tanging si Michelle lang ang kasama naming bata. Marahil ay namamalik-mata lang po kayo, Ma,” paliwanag naman ni Mama.
Pero kahit na ganoon, hindi ko maiwasan ang matakot. Dahil na rin siguro sa kakaibang lamig na nadama ko kani-kanina lang. Napayapos na lang ako sa aking sarili dahil sa hilakbot.
“Pumasok na nga lang tayo para makakain na rin kayo ng almusal,” aya ni Lola.
Bago ako pumasok sa loob ay sinulyapan ko muna ang sasakyan. Wala naman akong nakitang kakaiba. Marahil ay tinatakot ko lang ang sarili ko sa bagay na imposible naman talagang mangyari. Dala lang siguro ito ng matinding pagod.
Nang pahakbang na ako papasok, napansin ko ang nanlalaking mata ni Aling Rose sa akin. Ramdam ko ang takot sa kanyang mga mata. Pero bakit? At para saan?
“Aling Rose?” sabi ko nang hindi pa rin niya inilalayo ang tingin sa akin.
Bumalik naman siya sa kanyang balintataw dahil doon. “Jusme!” gulat niyang sabi.
Napatawa na lang ako sa naging reaksyon niya. Hindi kasi maipinta ang mukha niya dahil sa pagkagulat. “Para po kasing titig na titig kayo sa akin. Alam ko pong maganda ako pero may bayad po ang pagtingin sa akin,” pagbibiro ko.
Natawa rin siya sa kalokohan ko. “Ikaw talagang bata ka,” aniya at saka napailing. Hinawakan niya ang balikat ko. Ramdam ko ang mariin niyang pagpisil sa parte kong iyon. Nanginginig siya. “Mag-iingat ka, Michelle,” babala niya at saka bumuntong hininga.
Bumalik na siya sa loob pagkasabi niya no’n pero heto ako at parang naging bato. Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. Dapat ba akong matakot? Sa paraan niya nang pagsabi, tila kailangan ko ang matinding pag-iingat.
Mas lalo akong natigilan nang bigla ay naramdaman ko muli ang kakaibang lamig na iyon. Nagsitaasan ang balahibo ko sa katawan. Kakaiba ang lamig ngayon dahil tila tao na ang nakasampa sa akin kasabay ang paghinga nito sa aking batok.
Gusto kong sumigaw ng tulong pero uumurong ang dila ko. Nanunuyo ang lalamunan ko.
“Michelle?” rinig kong sabi ni Papa. Doon ko lamang naigalaw ang buo kong katawan. “Bakit nandito ka pa sa labas? Pumasok ka na para makakain,” anyaya sa akin ni Papa.
Tumango lang ako. Ramdam ko pa rin ang lamig sa aking likuran pero hindi ko na alintana ang epekto no’n sa aking katawan.
(To be continued…)
Bakasyon (Part 2)
Tulad nga ng sabi ni Papa, umalis kaagad kami para mamasyal upang masulit ang dalawang linggong bakasyon. Pumunta kami sa Palace in the Sky na taon-taon naming dinadalaw dahil sa birhen na nasa taas nito. Hindi na sa amin sumama si Lola dahil baka makaabala raw siya dahil may akay-akay pa kaming matanda.
Hindi ganoon kalamig ang klima roon kung ikukumpara sa huli naming punta roon. Pero hindi naman ’yon ang ipinunta ko talaga roon kundi ang magandang tanawin nito sa ibaba. Kitang-kita kasi ang malawak nitong nasasakupan mula sa taas.
Bumuntong-hininga ako at saka ibinuka ang dalawang kamay.
“Hindi ka pa ba nagugutom?” tanong sa akin ni Mama.
Pinakiramdaman ko ang tiyan ko - may mga leon na naglalaban sa loob nito. Tumango na ako kay Mama. Bumaba kami para pumunta sa mga kainan sa mismo ring loob ng Palace in the Sky.
Pumunta muna ako sa isang tindahan para bumili ng maiinom. Nakangiti naman sa akin ang tindero ng lumapit ako sa kanya. “Isa nga pong bote ng tubig,” sabi ko.
“Hindi mo ba bibilhan iyang kasama mo?” tanong niya at saka itinuro ang likod ko.
Agad naman akong kinilabutan sa sinabi niya. Ako lang kasi ang mag-isa kaya hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya. Pakiramdam ko tuloy ay may kung anong bagay ang kumakapit sa akin. Mabilis na akong napa-paranoid sa mga simpleng bagay.
“Miss?” interapa sa akin ng tindero. Nagtataka ang itsura niya. Pinilit kong gumuhit ng ngiti upang hindi niya mapansin. Nanginginig kong iniabot sa kanya ang pera.
“I-isa l-lang po,” saad ko.
Matapos ’yon ay inaya ko ng umuwi sila Mama. Hindi na rin kasi maganda ang pakiramdam ko. Gulong-gulo na ang isipan ko. Nakakapagtaka lang na napuno ng kababalaghan ang buong araw ko.
Bagsak akong napahiga sa kama dahil sa grabeng pagod nang marating namin ang bahay. Nananakit na rin kasi ang likod ko dahil sa matinding lamig. Ipinikit ko sandali ang mga mata ko. Hindi ko namalayan na madali pala akong nakaidlip.
Nang bandang alas-tres na, nagising ako dahil sa sobrang lamig. Inabot ko ang electric fan at pinatay iyon pero ganoon pa rin ang nararamdaman kong lamig. Nangangatog na ako sa sobrang ginaw. Namamaluktot ako sa kama ko habang patong-patong ang ginawa kong kumot sa katawan.
Hinahagkan ako ng lamig na iyon na nanunuot hanggang sa aking buto. Naginginig na ang buo kong kalamnan.
“Sama ka sa akin…” Halos panawan ako ng ulirat nang marinig iyon. Boses iyon ng isang bata pero tila ume-eko ang boses nito na parang sa dram.
Hindi ko magawang lingonin ang pinanggalingan ng boses sa takot na makakita ng hindi kanais-nais. Itinanday nito ang kanyang kamay sa katawan ko at saka isinilid ang ulo sa likod ko kaya ramdam ko ang kanyang paghinga.
Natatakot na talaga ako. Unti-unting tumutulo na rin ang luha ko sa mata. Ano’ng gagawin ko? Hindi ko na maramdaman ang katawan ko dahil sa sobrang pamamanhid.
“Sama ka sa akin…” pag-uulit nito pero may diin na. Ano bang ibig nitong sabihin na samahan ko siya? Samahan sa mundo niya? Sa mundo ng patay? Hindi maaari!
Nararamdaman ko na lang na pumapaibabaw na siya sa akin. Ramdam ko ang ilang hibla ng kanyang buhok na tumatama sa aking balat na nagpapatayo ng aking balahibo. Kagat-kagat ko ang labi ko dahil sa sobrang pagkatakot.
Mariin kong ipinikit ang mata ko para hindi makita ang kanyang mukha. Ramdam ko pa rin ang pagdagan niya sa akin. Hinaplos niya ang aking mukha. Narinig ko pa ang matitinis niyang paghagikhik na tila tuwang-tuwa sa kanyang ginagawa.
“Uwi na tayo, Ate.” Naidilat ko ang mata ko nang tawagin niya akong ate. Pero awtomatiko rin akong napasigaw dahil sa hilakbot nang makita ko ang itsura niya. Magulo ang maikli nitong buhok at puno ng putik ang buong katawan. Purong itim din ang maliliit nitong mga mata.
Napabalikwas ako ng bangon habang patuloy pa rin sa pagsigaw. Narinig ko ang pagkalampag ng pintuan kasabay ang pagluwa roon nila Papa at Mama.
“Michelle!” sigaw nila. Agad naman akong nilapitan ni Mama habang si Papa ay abala sa paggalugad ng tingin sa buong paligid.
“Nasaan na ’yon? Michelle, saan tumakbo ang taong iyon?” tanong sa akin ni Papa na puno ng pag-aalala. Pumasok na rin si Lola at Aling Rose sa kwarto ko.
“Ano’ng nangyayari rito?” tanong ni Lola na may pagtataka. “Madaling-araw palang pero ang ingay niyo na.”
“May nakapasok sa kwarto ni Michelle, Ma,” turan ni Papa.
“Pero wala namana akong nakita pagkapasok natin,” saad ni Mama habang yapos-yapos ako. Kaunti ay nakaramdam ako ng seguridad. “Nilalagnat ka, Michelle,” bulalas niya nang salatin niya ang noo ko.
“Nakita kong may silweta sa taas ng kama maliban kay Michelle. Nakita ko pa ngang tumakbo iyon papalayo,” paliwanag ni Papa.
Pakiramdam ko, ang tinutukoy ni Papa ay iyong bata kanina. Ramdam ko pa rin ang pangangatog ng buo kong katawan dahil sa kanya. Hindi ko pa rin magawang ikilos ang kamay at paa ko na sa tingin ko ay agad na bibigay sa tuwing ikikilos ko.
“Aling Rose, pakikuha naman ako ng maligamgam na tubig at paracetamol,” utos ni Mama habang hinahaplos ang naglalagablab kong katawan.
Mabilis namang sinunod ni Aling Rose ang utos ni Mama. Habol-hininga tuloy ito nang bumalik sa kuwarto. Ibinigay niya kay Mama ang paracetamol at bimpo. “Ma’am Aira, sa tingin ko po ay nabati ang anak niyo,” turan ni Aling Rose.
“Nabati?” nagtatakang tanong ni Mama. Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niyang nabati . Basta ang alam ko, masakit ang buo kong katawan.
“’Yong tinutukoy siguro ni Sir Ian na silweta ay ’yong batang sumama kay Michelle dito. Kanina ko pa po kasi nakikita iyon na laging nasa tabi ni Michelle. ’Yon din po marahil ang tinutukoy ng inyong Mama na kasama niyo kanina nang dumating kayo,” kwento nito.
Napapatango na lang ako. Tumpak ang mga sinabi ni Aling Rose. Nakapagtataka tuloy kung paano niya nalaman ang bagay na iyon.
“Mas kailangan po ng anak niyo ang isang albularyo,” suhestyon nito. Tila nakumbinsi naman sila sa naging pahayag ni Aling Rose.
Sumali na rin ako sa usapan nila para patunayan na tama ang sinasbai ni Aling Rose. “Ma, simula kahapon nang huminto tayo papunta rito, may kakaiba na akong nararamdaman. Pero sa tingin ko ay sumama sa atin ang batang nakita ko sa kakahuyan,” natatakot kong sabi.
Isinilid naman ni Mama ang aking ulo sa kanyang dibdib. Ramdam ko ang kanyang pagkaawa sa kalagayan ko. “Bukas na bukas rin, ipapatawag natin ang pinakamagaling na albularyo sa bayan,” ani Mama.
Desidido na talaga silang ipagamot ako sa albularyo. Hiling ko lang na sana ay walang mangyaring masama sa akin o kung sa sinoman sa amin. Gusto ko ring matulungan ang batang kanina pa gumugulo sa akin.
Ano bang kailangan niya sa akin?
Kinaumagahan, maaga akong ginising nila Papa dahil dumating na raw ang albularyong pinatawag ni Mama para gamutin ako. Unang pagkikita palang namin ng albularyo ay pinangmulatan na ako nito ng mata.
“Hija, hindi mo ba alam na may sumunod sa iyong bata?” tanong kaagad sa akin nito. Napailing lang ako. “Nakararamdam ka ba ng lamig sa iyong likuran?”
Pinakiramdaman ko ang aking likod. Naroroon pa rin ang kakaibang lamig. Marahil ay hindi ko lang napapansin dahil nakasanayan ko na. “Opo pero hindi pangkaraniwang lamig.”
“Alam mo ba kung bakit ka nilalamig?” Huminto siya saglit bago ulit nagsimulang magsalita. “Dahil nakasampa siya sa likuran mo.”
Kinilabutan ako sa kanyang sinabi. Halos mamutla ang buo kong katawan nang biglang magsiakyatan ang dugo ko papunta sa taas. Namamawis ang buo kong katawan. Nararamdaman ko na naman siya sa paligid ko.
“Ano’ng kailangan mo sa kanya?” tanong ng matanda patungkol sa aking likod.
Ewan ko kung may kausap ba ang matandang albularyo pero sa nakikita ko, napapatango siya na parang may kausap. Matapos ’yon ay mariing pumikit ang albularyo at saka bumuntong hininga.
“May nakita ka bang bata habang papunta kayo rito?” tanong niya sa akin. Tumango ako at sinabi ang lugar. Nag-alok siya kung maaari bang puntahan namin ang lugar na iyon. Hindi naman nagpapigil sila Mama at agad na sinunod ang matanda.
Kalahating oras lang ang inabot namin sa buong biyahe. Pagkarating naman ay itinuro ko ang puno kung saan ko nakita ang bata. Sumalubong naman kaagad sa amin ang masangsang na amoy kaya awtomatiko naming naitakip ang aming kamay sa aming ilong.
“Ang baho naman,” saad ko. Dahan-dahan kaming lumapit doon.
Nanlalaki ang mata ko nang makita kung saan nanggagaling iyon. Dahil sa likod ng punong itinuro ko ay isang naaagnas na bangkay ng isang bata. Agad akong napaluhod dahil sa nanghihina kong tuhod.
Sino naman ang walang hiyang makagagawa nito?
Hindi ko napigilan ang maluha. Humaplos ang awa sa aking puso nang mga sandaling iyon. Minsan kong pinangarap ang magkaroon ng kapatid pero nakakapanghinayang na ang pangarap ko ay walang halaga para sa iba.
Agad na nagpatawag ng pulis sila Mama para ipaalam ang tungkol dito. Siniyasat nila ang buong lugar. Kinuha rin nila ang katawan ng bata at dinala para ipa-autopsy.
Inilahad sa amin ng albularyo kung bakit ako ang napili ng bata na makasama. Minsan daw ay nagkaroon ito ng nakatatandang kapatid na babae. Madalas daw siyang nasampa sa likod nito. Pero sa kasamaang-palad ay iniwan siya nito sa puno at sinabing babalikan siya.
Naghintay siya pero hindi bumalik ang kanyang kapatid kaya nang makita niya ako ay inakala niyang ako ang nakatatanda niyang kapatid. Hindi na ito ikwinento ng albularyo sa pulisya dahil tiyak na mas pinaniniwalaan ng mga nito ang ebidensya kaysa sa pakiramdam.
Matapos ’yon ay naging maayos din ang natitira kong araw na bakasyon. May mga pagkakataon na paminsan-minsan ay pinakikiramdaman ko ang aking likod kung naroroon pa rin ang lamig.
Pero wala na… At marahil ay nakamtan na nito ang tunay na katiwasayan.
BANAL-BANALAN
(Official entry for Sindak Writing Contest. Full version of this is currently unavailable.)
RANK: Winner (1st Place)
BANAL-BANALAN
written by misterdisguise
Malikot ang mga mata kong pinagmamasdan ang buong kwartong napupunan ng mga santo at banal na aklat. Pakiramdam ko, lahat sila ay nakatingin sa aking gawi. Malakas ang kutob ko na pinagmamasdan nila ang bawat kilos ko.
Bumukas ang pinto sa kalagitnaan ng katahimikan at iniluwal ang isang lalaki. Umupo ito sa harapan ko habang namamagitan sa amin ang isang mahabang lamesa.
"Magandang umaga, Irene," bati niya sa akin na ipinagtaka ko kung paano niya nalaman ang pangalan ko. Marahil ay nagtaka rin siya dahil wala man lang akong naging sagot sa kanyang paunlak.
"Maiba ako. Kilala mo si Sabel, 'di ba?" Tumango ako bilang tugon.
"Ano ang palatandaan mo sa kanya?" tanong sa akin ng isang nakaputing lalaki na sa tingin ko ay isang pari dahil sa suot nitong krus na kwintas na binagayan ng puting long sleeve. Maamo ang kanyang kulubot na mukha pero maaaninag mo rin sa likod nito ang nagtatagong karimlan ng kanyang kabataan.
Lumunok ako ng laway.
"'Yong numero... 'Yong numero sa kanyang pulso – tatlong magkakaparehas na numero!" bulalas ko at saka mariing ipinikit ang aking mga mata.
"Ano'ng mga numero?" tanong pa niya.
Lumaki ako sa bahay-ampunan kasama si Sabel. May nakatatanda akong kapatid na lalaki na noon ay kasabay kong itinapon sa bahay-ampunan pero ngauon ay hindi na mahagilap. Parehong patay na kasi ang aking mga magulang at wala namang handang kumupkop na kamag-anak.
Ngunit 'di tulad ni Sabel, anila, hindi ordinaryong bata si Sabel dahil sa kakaiba nitong pag-uugali. Ikinasisiya nito ang manatili sa dilim kaysa liwanag, sakit kaysa kaginhawaan at kalungkutan kaysa kasiyahan.
Hindi ko man maituturing na matalik na kaibigan pero naging malapit kami ni Sabel. Halos magkaedad lang kami at sabay dinala sa bahay-ampunan. Walang kinakausap si Sabel maliban sa akin. Maging sa mga madre ay mailap siya.
"Sabel, gusto mong maglaro tayo ng bahay-bahayan?" aya ko sa kanya habang nilalaro niya ang calculator na halos walang numero maliban sa nwebe.
Ngumiti siya. "Saan? Sa bahay ng aking Ama?" aniyang sinabayan pa ng hagikhik habang patuloy sa pagpindot ng natitirang numero nang tatlong beses.
"Hindi, Sabel. Dito lang tayo. Hindi tayo pwedeng umalis. Hindi rin naman natin alam kung nasaan ang tatay mo," nagtatakang paliwanag ko.
"Alam ko kung nasaan ang tatay ko. Alam mo rin 'yon. Halos lahat, doon napupunta dahil makasalanan sila," sagot niya na ikinagulo ng isip ko.
Nakikita ko ang pagkutkot niya sa natitirang numero ng calculator. Naninigas ang kanyang mga ngipin. Nakangingilo rin ang pagkaskas ng kanyang mga kuko sa calculator.
"Gusto kong pumunta sa bahay ng aking Ama!" marahan ngunit mariin niyang sabi sa bawat salita.
Nagitla ako nang inihagis niya sa akin ang calculator na walang numero at bumagsak sa aking paanan nang pabaliktad.
"666," basa ko sa numerong dapat ay '999.'
Napatingin ako sa kanya at biglang nanghilakbot. Kita ko sa kanyang likuran ang isang lalaking may pulang mukha at may sungay. Matatalas ang kanyang mga kukong nakahawak sa balikat ni Sabel. Nanigas ang buo kong katawan habang mulat niya akong tinititigan na tila gustong lamunin.
Nakangisi lamang sa akin si Sabel nang mga oras na 'yon pero naroroon pa rin ang takot ko dahil sa nanlilisik na mga mata ng nilalang na nasa kanyang likuran.
Dumaan pa ang mga araw at lalong naging kakaiba ang mga kilos ni Sabel. Madalas ay may hiwa ang kanyang pulso at makikita ang mga salitang "bellua" at "mortis" sa kanyang kwarto gamit ang kanyang sariling dugo.
Ilang beses na rin siya napagsabihan ng mga madre dahil ilan sa mga batang nasa bahay-ampunan ay tinatakot niya na wawakwakin niya ang mga tiyan nito at iaalay sa kanyang Ama. Marami ng nagtataka sa kung sino ang tinutukoy niyang Ama.
Nagiging laman din siya ng mga usapan sa loob ng bahay-ampunan. Nakararamdam daw sila madalas ng kakaiba tuwing sasapit ang gabi at itinuturo nilang dahilan si Sabel. Nand'yan minsan na magkakalampagan ang mga pinto kahit hindi naman malakas ang hangin. Minsan pa nga'y naaaninag nila si Sabel na nakatayo sa paanan ng kanilang higaan at pinanunuod silang natutulog.
Gabi nang Agosto 28 , tatlong araw bago ang kanyang kaarawan, natagpuan ko si Sabel sa isang sulok kung saan nakapako ang isang krus na napalilihiran ng mga kandila at plorerang may bulaklak na rosas. Taimtim siyang nakaluhod doon at marahil ay nananalangin. Marahan akong lumapit sa kanyang pwesto hanggang sa maulinagan ko ang kanyang panambitan.
"Bakit ka nila sinasamba? Ano ang mayroon ka na wala ako? Ikaw ang nag-udyok sa kanilang gumawa ng masama at bakit ako ang kanilang sinisisi? Bakit sa akin?" tanong niya. Kita ko ang naninigas niyang mga panga dahil sa galit.
"S-Sabel?" marahan kong sabi. Lumapit pa ako ng bahagya at akmang hahawakan siya sa balikat.
Panandaliang namatay ang mga ilaw at tanging ang liwanag mula sa labas ng ampunan ang nagsisilbi naming tanglaw.
Napalunok ako ng laway.
"S-Sabel?" pag-uulit ko.
Nakarinig ako ng bagay na ikinikiskis sa pader. Sinundan ko ng tingin iyon at nakitang bumabaliktad ang nakapakong krus. Nakakangilo! Tila gustong dumugo ng tainga ko dahil sa sobrang sakit.
"S-Sabel, a-ano'ng nangyayari?" kinakabahan kong tanong. Wala pa rin siyang imik.
Nagimbal na lang ako nang biglang kumalampag ang mga pinto sa lahat ng kwarto. Lumakas din ang hangin na animo'y sinasalanta ang loob ng ampunan. Ramdam ko ang nag-uumapaw na takot sa aking katawan. Nangangatal ang aking labi na animo'y nilalamig. Pakiramdam ko, ako lang ang nakakasaksi nito. Nasaan sila? Bakit wala man lang nalabas ng kanilang mga kwarto?
"S-Sabel, itigil mo na 'to!" pakiusap ko na naglaon ay pagmamakaawa na.
Kasabay no'n ay nangibabaw rin kaagad ang katahimikan. Tumigil ang paglikha ng mga ingay. Nakapagtataka ngunit nakapangingilabot.
Nabigla ako nang magsalita siya. "Ikaw, Irene. Naniniwala ka bang may Diyos?" tanong niya ngunit sa ibang boses. Akala mo'y garalgal na boses ng isang matandang lalaki.
Umatras ako nang bahagya bago sumagot. "O-oo. 'Y-yon kasi ang turo sa atin ng mga madre rito, 'di ba? May Diyos na laging nand'yan sa tabi natin, gumagabay at may awa."
Tumawa siya pero mabilis din niyang binawi. "Naniniwala ka bang kayang tuparin ng Diyos mo ang lahat ng panalangin mo?" tanong pa niya na may pagdidiin sa salitang 'Diyos mo'.
"Oo," tigil ko at mariing nag-isip. "D-dahil lahat ay posible sa kanya," dagdag ko.
"Bakit hindi mo hilingin na mabuhay ang mga magulang mo?" utos niya. Hindi agad ako nakasagot dahil hindi ko rin alam ang kasagutan. Imposible at napaisip ako. "Hindi kayang tuparin ng Diyos mo ang kahilingan mo, 'di ba? Limitado ang kakayahan ng tinuturing mong diyos."
Dahan-dahang umiikot ang kanyang ulo habang ang katawan ay hindi nagalaw. Napagmasdan ko ang kanyang nangingitim na mga mata at lumuluhang bibig ng dugo. Halos panawan ako ng ulirat sa aking nakikita.
"S-Sabel... S-Sabel, ano'ng nangyayari sa 'yo?" nahihintakutan kong tanong.
Biglang nagpatay-sindi ang mga ilaw. "Ako! Ako ang bagong Diyos! Ako ang Diyos na inyong pinapangarap! Ako ang Diyos na tutupad sa inyong pangarap! Ako ang Diyos na inaasam-asam niyo! Ako ang bagong Diyos!"
Nagulat na lang ako nang may grupo ng mga pari ang lumapit sa amin. Hindi ako makakilos. Nanigas ang mga paa ko sa aking kinatatayuan. Hindi ko mahanap ang aking pakiramdam.
"In Jesus name, lumayo ka sa katawan ni Sabel!" sigaw ng isang paring kalbo at sinabuyan ng ang katawan ni Sabel ng holy water. Hinawakan naman ng iba pa ang magkabilang kamay ni Sabel habang patuloy ito sa pagpiglas.
Sa bawat pagsaboy sa kanya, tila nalalapnos ang parte ng katawan niyang iyon. Nakapagtatakang nakatatawa pa siya sa kanyang kondisyon. Animo'y isang baliw na hindi alintana ang kinahaharap na pasakit.
Nakapagtatakang hindi ko magawang umiyak kahit takot na takot ako. Marahil dahil sa mga narinig ko mula kay Sabel. Bigla akong nalito at nalamatan ang aking pananampalataya. Hindi ko mahagilap ang sarili ko na nag-aasam ng gabay sa pamamagitan ng dasal.
Nagpatuloy lang sila sa gano'ng sitwasyon hanggang sa nawalan na lang ng malay si Sabel. Nakita ko na lang na napailing ang mga pari habang pinagmamasdan ang murang katawan ng bata.
"Ang marka sa kanyang pulso – ang marka ng halimaw," pabulong na sabi ng paring kalbo.
"Mas titindi pa ang mga mangyayari rito," saad naman ng isang pari – bagay na hindi ko maunawaan.
"Kailangan niyang malinis bago pa siya makawala dahil kung hindi..." ani ng isang pari at natigilan.
"Kung hindi ay kailangan natin siyang patayin," pagpapatuloy ng paring kalbo.
Nang araw bago ang kaarawan ni Sabel, napadaan ako sa kanyang kwarto sa ikatlong palapag dahil sa matitinis na tunog sa loob. Kumakalampag ang mga gamit sa pader. Ayaw ko man makialam ngunit kusang mga paa ko na ang nag-udyok para masaksihan ang lagim na nagaganap.
Bahagyang bukas ang pinto kaya maingat akong dumungaw. Iniikot ko ang aking mga mata at nagitla sa nasaksihan.
"Umalis ka sa katawan ni Sabel! Umalis ka!" sigaw ng pari sa nakataling katawan ni Sabel. Napatakip na lang ako ng bibig dahil sa takot. Ibang-iba na ang itsura ni Sabel. Hindi na siya tulad ng batang nakilala ko noon. Magulo na ang tuwid niyang buhok. Puro dugo na rin ang kanyang damit. Mas nangayayat pa ang kanyang murang katawan.
"Sabel..." paanas ko sa hangin habang lumuluha.
"Ama namin. Sumasalangit ka..."
"Ama namin. Sumasaimpyerno ka..." sabay na wika ni Sabel at saka tatawa nang malakas. Nakaririndi ang tawa niyang iyon – tawa na hindi mo aakalaing mula sa isang bata.
"Mapasaakin ang kaharian mo..."
"Tarantado! Magiging ang kaharian mo – ninyo! Akin ang mga kaluluwa niyong halang!" sigaw niya na nagpatindig sa mga taong nasa loob.
"Magpakilala ka! Sino ka ba? Ano ang kailangan mo?! Lubayan mo ang batang 'yan! Wala siyang kasalanan sa 'yo! Umalis kang demonyo ka!" maawtoridad na utos ng pari.
Tumahimik si Sabel sandali at saka malapad na ngumiti na kalaunan ay naging malakas na tawa.
"Bakit kayo? Wala ba kayong kasalanan?" tanong niya ngunit kalmado. "Mga nagkukunwaring banal. Mga banal-banalan!"
Napangunot naman ng noo ang mga tao sa loob.
"Ikaw!" aniya sa paring nasa kanyang harapan. "Isang baklang pari! Hindi maitatago ng suot mo ang lahat ng iyong kasalanan. Akala mo'y malinis na tubig pero marumi pala. Gustong-gusto mong ang parokya mo ay mga batang lalaki," bulalas niya at saka tumawa. "Nabigla ka ba?! Puti man ang suot mo pero nakakasulasok ang nangangamoy mong baho. Malansa!"
Natulala na lang ang paring tinukoy at hindi makapagsalita.
"Ikaw!" tawag niya pa sa isa. "Isang rakistang matanda noon! Hindi maikukubli ng hawak mong bibliya ang iyong nakaraan. Akala ko ba'y isinuko mo na ang loob mo sa sinasabi mong Diyos? O sinuko mo sa ngalan ng droga? Dumadaloy pa rin sa dugo mo ang nakakaadik na amoy ng opyo," bulalas niya.
"Mas marami ka pang napatay kung ikukumpara sa iba! Ilan ba sa mga taong binentahan mo ang buhay pa hanggang ngayon? Ilan pa ba sila?! Hindi ka naawa! Tulad lang kita!"
Nagulantang ang lahat sa nalalaman ni Sabel. Ang iba ay napaluhod dahil sa panghihina. Hindi nila kaya ang demonyong nasa kanilang harapan. Nakaririndi ang mga naririnig ko sa kanya.
Lakas-loob akong pumasok, ni hindi iniintindi kung ano ba talaga ang nagyayari. Ni walang pakialam kung ano ang pwedeng mangyari sa akin.
"Irene..." bati sa akin ni Sabel nang makapasok ako. Doon ko lang napagmasdan ang nilalang na may sungay sa kanyang tabi. Tila ako lang yata ang nakakakita sa kanya nang mga oras na 'yon. Kinokontrol niya ba si Sabel?
"Ibalik mo na sa amin si Sabel. Maawa ka. Wala siyang kinalaman sa 'yo," hiling ko. Ngunit isang nakalolokong ngiti lamang ang ibinigay niya sa akin.
"Nasa bahay-ampunan tayo sa gilid ng simbahan ngunit hindi ako natakot. Alam mo ba kung bakit? Dahil ang tinuturing nilang banal na tahanan ay matagal ng pinamamahayan ng putik. Hindi na kayo maisasalba ng Panginoon niyo!"
Biglang nagkalat ang mga dugo sa bawat pader. Umugong sa buong kwarto ang sigaw ng mga panaghoy. Takip-takip namin ang aming mga tainga na halos punitin ng ingay. Sumusuka na ang ilan ng dugo. Nanginginig na ako sa takot at nagtataasan na rin ang aking mga balahibo.
"Sambahin ang ngalan Mo! Mapasaakin ang kaharian mo! Sundin ang loob mo rito sa lupa... para lang sa impyerno!" dasal niya habang lumalakad sa harapan ng mga taong nakaluhod dahil sa panghihina.
Natagpuan ko na lamang na nakaupo na sa gilid ng bintana si Sabel. Nakatingala siya.
"Magkita na lang tayo sa bahay ng aking Ama," aniya at saka nakitang itinulak siya ng nilalang na iyon padausdos paibaba.
Nabigla naman ako sa nangyari at mabilis na hinanap ang aking pakiramdam. Tumakbo ako papunta sa bintana at agad na hinanap si Sabel.
Duguan at wala ng buhay.
Ganyan ko ilarawan ang kaawa-awang dinanas ni Sabel. Dilat ang kanyang mga mata at duguan ang ulo. Nagpakawala ako ng malakas na sigaw at lumuha. Kasabay no'n ay ang pagtunog ng kampana ng simbahan hudyat na magsisimula na ang misa.
Matapos niyang mamatay, doon ko lamang nalaman kung paano siya natagpuan ng mga madre at dinala sa bahay-ampunan. Nakita siya noon sa loob ng simabahan, nakahiga sa paanan ng isang pigura ng arkanghel habang ang sandata nito ay nakatapat sa kanya. Nakangiti ang sanggol na sable ngunit matalim ang tingin sa pigura. Hindi naman sila kaagad nanghinala dahil musmos palang noon si Sabel at wala pang kamalay-malay.
Hindi na rin pinagamit ang kanyang kwarto dahil sa bali-balitang may naririnig na ingay sa loob nito bandang alas-tres ng madaling araw. Minsan pa nga ay makikitang may bahid ng dugo ang pader nito kahit na wala namang pumapasok. Nakailang bendisyon na rin ito pero wala ring nangyari. Nagpatuloy lang mga aparisyon hanggang sa kinandado na lang ang kwarto at hindi na hinayaang pamahayan pa ng sinumang bata.
Hanggang sa tumanda ako, hindi ko pa rin malaman ang dahilan kung bakit nagkaganon si Sabel. Naging palaisipan... Hanggang masira ang aking kaisipan...
"Ano'ng mga numero?" tanong pa niya. Hinawakan niya ang butones na walang butas ng suot niyang damit.
"H-Hindi ko maalala. Basta magkakaparehas na numero iyon. Tatlong numerong magkakapareho kung hindi ako nagkakamali," matapat kong sabi.
Inilapit niya sa akin ang kanyang braso at hinila ang sleeve ng kanyang suot pataas.
"Tulad ba nito?" tanong niya at nakita ko ang pamilyar na tatlong numero sa kanyang pulso.
Napatingin ako sa kanya at doon lamang napansing nakabaliktad ang suot niyang krus. Isang paring sugo ng impyerno!
Tumayo siya sa kanyang kinauupuan at iniayos ang suot. "Maiwan na kita at kailangan ko na magmadali. May misa pa kasi akong pupuntahan. Naghihintay na sa akin ang aking parokyang uhaw sa tugon ng kanilang pananampalataya at nasasabik sa katuparan ng kanilang hiling. Ito na ang bagong mundo. Sumasamba sa akala nila ay tama," aniya at tumalikod sa akin.
"Akala nila, ako ang tutupad ng kanilang pangarap. Hangal sila kung ganoon. Madali nga namang maniwala ang mga tao sa sabi-sabi. Likas na uto-uto kasi kayo. Madali kayong malinlang. Tulad lang rin kayo ng inyong sinasamba. Matalino ngunit nagpaloko," aniya at saka tumawa na nakaloloko.
Bakas sa kanyang mukha ang galit at poot na siyang kabaliktaran ng mukha kong may bahid ng takot at pangamba.
"Kung nagtataka ka kung ano ang bagay na nasa aking pulso, namin ni Sabel," wika niya at tumigil sandali. "Marka iyon ng halimaw at kami ang bagong Diyos," saad niya at tumawa nang malakas.
Napako na lang ako sa kinauupuan ko at napipi. Sino naman kasi ang maniniwala sa akin? Matapos ang lahat ng kababalaghan na nangyari sa akin ay naging baliw. Sinong maniniwala sa isang baliw?
Umalis siya ng kwarto at saka nagsimulang magbago ang mga mukha ng pigura ng mga santo sa loob. Lahat sila ay nakangisi.
Bumalik ako sa kalsada habang patuloy na naglalakad, iwinawagyway ang karatulang, "The end is near" sa labas ng simbahan. Lahat marahil ay umiiwas sa akin. Hindi alintana ang babalang ipinahihiwatig ko sa kanila.
Isang bata ang lumapit sa akin. Inosente ang kanyang maamong mukha na tila hindi babakasan ng kahit anong kasalanan. Ngumiti ako sa kanya na tinugunan rin niya.
"Mag-iingat ka lagi sa mga taong nakakasalamuha mo. Huwag ka basta-bastang maniniwala sa kanila. Wala kang dapat na pagkatiwalaan. Hindi lahat ng nakikita at naririnig mo ay totoo," payo ko sa kanya at saka hinawakan siya sa kanyang ulo.
Tumango siya bilang tugon.
Umakma siya na tila may ibubulong sa akin. Yumuko ako na hanggang sa maabot ng aking tainga ang kanyang bibig.
"Ikaw ang dapat mag-ingat," paanas niya at makahulugang ngumiti.
Nakita ko ang nangingitim niyang mga mata. Isang demonyo! Nagtaasan ang balahibo ko dahil sa hilakbot. Ngumisi siya at tumakbo papasok ng simbahan. Marahan akong naglakad kahit takot na takot. Halos mabangga ko rin ang mga taong nakaharang sa aking daraanan.
Hanggang sa isang putok ng baril ang marinig ko na umalingawngaw sa buong paligid. Nagyukuan ang mga tao dahil sa takot na matamaan sila ng bala ng baril. Napunan ng mukha ng hilakbot ang bawat taong sa una'y nagdarasal ng mataimtim. Kitang-kita ko ang mga panambitan nila sa santong hilaw na akala nila ay magliligtas sa kanila.
Naramdaman ko naman ang pangingirot ng dibdib ko. Hinawakan ko iyon ng mahigpit – mahigpit na mahigpit. Tila pinunit ang parteng iyon ng aking katawan dahil sa sakit. Napapangiwi ako.
Doon ko lamang napagtanto na nagdurugo na iyon. Isang bala ng baril ang tumama sa akin. Tiningnan ko ang pinagmulan ng putok.
Isang lalaki. Isang lalaki na kawangis ko.
Isang lalaki na pamilyar sa akin ang itsura.
Isang lalaki na minsan ko ng nakita sa panaginip.
Ang kapatid ko... habang nasa likuran niya ang diyablong nakita ko noon kasama si Sabel. Nakingisi siya ulit sa akin. Marahil ay nagagalak ang kanyang puso dahil sa naging katapusan ko.
Tuluyan na akong napaluhod dahil sa panghihina. Umapaw na rin ang dugo mula sa aking bibig. Naninilim na rin ang aking paningin.
Bumilog ang mga tao sa paligid ko habang pinagmamasdan akong may awa sa mga mata. Gusto kong ipamukha sa kanila na mas maiging mamatay na lang kaysa araw-araw sinusunog ng buhay upang sa paghahanda sa impyerno.
Bago pumikit ang mga mata ko, isang bata ang lumuhod sa aking ulunan. Inibaba niya ang kanyang ulo at bumulong.
"Magkita na lang ulit tayo sa tahanan ng aking Ama," aniya na sinundan ng matitinis na hagikhik.
Segunda Mano
Hindi na taliwas sa ating naging kaugalian ang bumili ng mga segunda manong kasangkapan dahil sa mura ang mga ito, bilang praktikal ika nga. Ang hindi lang natin napupuna ay ang taong unang nagmay-ari nito at ang kanilang karanasan kasama ang kasangkapan. Minsan kasi, ang bawat bagay sa mundo ay may bitbit na kanya-kanya nilang kwento. Masaya, malungkot, nakakaiyak at nakasisindak.
Ngunit sa aking pagbili, isang nakakakilabot palang karanasan ang aking madarama na hindi ko naisip sa aking tanang buhay. Dahil ang segunda manong kagamitan na aking nabili ay tila hindi pa rin nilulubayan ng taong unang nagmay-ari nito.
Nakakabit siya at nabubuhay.
Unang buwan palang namin ng aking asawa na si Manuel bilang isang legal na mag-asawa. Nakabili siya ng bahay sa Laguna at doon kami ngayon naninirahan. Handa naman kaming mag-asawa sa maaaring maging gastusin ngunit may mga ilan lang na hindi talaga swak sa aming budget.
"Ang ganda naman nito," bulalas ko nang makita ang segunda manong aparador na kanyang nabili sa isang antique shop sa Pacita. Nasa kondisyon pa ang aparador at kung tutuusin ay mamahaling kahoy ang ginamit – apitong 'ata sa tingin ko.
"Pinili ko talaga 'yan. Mabuti na nga lang at mura," ani Manuel na tila pagod dahil sa pagbubuhat. Nangingiti ako habang tinititigan ang aparador na higit ang laki sa akin. "Ayusin ko na muna ang mga gamit, ah. Dito ka lang. Kami na ang bahala," saad niya at saka ako hinalikan ako sa noo.
Naiwan akong pinakatititigan ang aparador. Nakaramdam ako ng kakaiba na animo'y may sariling buhay ang kasangkapan. Mabigat sa pakiramdam. Nabigla ako nang bigla ay bumukas ito ng kusa – dahan-dahan.
Iginala ko ang aking tingin sa paligid, nagbabakasakaling may dahilan ang pagbukas ng aparador. Pero mayamaya lang din ay natagpuan ko itong nakasara, tila malayo sa nakaawang na pinto nito kanina.
Nagkibit-balikat ako at hindi na lang pinuna ang kaninang aparisyon. Marahil ay namamalikmata lang ako.
Isang gabi, habang tahimik ang buong kabahayan at tanging ang ihip ng hangin ang siyang nananawa, nakarinig ako ng pagkaskas ng mga kuko sa isang de-kahoy na kagamitan. Sinubukan kong idilat ang aking mga mata at pinakiramdaman nang mas mabuti ang kakaibang ingay.
Nakakangilo ang bawat pangangalaykay na iyon na nanunuot hanggang sa aking bagang. Sinubukan kong gisingin ang aking asawa ngunit nabigo ako, tanging mahihinang halinghing lamang ang kanyang naging tugon at saka umayos ng higa at muling natulog.
Pero hindi ako mapakali sa ingay, may kung anong bagay ang tumutulak sa akin upang tuklasin ang pinanggagalingan nito. Umupo ako sa gilid ng kama at saka tinalasan ang pandinig.
Mula ang ingay sa loob ng aparador!
Malakas ang bawat pagpintig ng aking puso, mas mabilis kaysa nagkakarerang mga kabayo. Malamig man ay hindi ko mapigilan ang matinding pagpapawis na marahil ay dala ng sobrang kaba. De-bilang ang bawat hakbang ko, de-numero at maingat. Dahan-dahan akong lumapit at marahang inabot ang hawak ng pinto nito.
Para akong kakapusin ng hininga anumang oras. Kinakabahan ako sa maaaring masilayan ng aking mga mata. Kakaunting awang pa lamang ang nagagawa ko nang biglang umugong ang napakalakas na pag-ingit nito na dumadagdag sa aking tensyon.
"Ano'ng ginagawa mo?" Halos mapatalon ako dahil sa kaba. Hindi ko namalayang nagising na pala ang aking asawa. Nakahiga ang kanyang katawan samantalang bahagyang nakaangat naman ang kanyang ulo dahil sa nakatungkod na braso. "Bakit gising ka pa?"
Mabilis ang pintig pa rin ng puso dahil sa kaba. Huminga muna ako nang malalim at saka isinaayos ang sasabihin. "May narinig kasi akong kaluskos sa loob ng aparador," saad ko patungkol sa kasangkapang nasa aking likuran.
Tumayo siya at saka lumapit sa akin. "Ako na ang titingin," aniya at lumapit sa aparador. Nanatili ako sa kanyang likod, nag-aabang sa maari naming matuklasan. Halos tumigil naman ang aking dibdib habang unti-unti ay lumalaki ang awang ng pinto.
"Wala," ani Manuel at saka ipinakita sa akin ang loob ng aparador. Bukod sa mga damit namin na nakasampay doon, wala ni isang bagay na maaaring makapaglikha ng kakaibang ingay. "Baka guni-guni mo lang naman ang narinig."
Napatango ako at parang nadismaya sa nakita, may parte kasi ng utak ko na nagsasabing totoo ang narinig at hindi lamang isang guni-guni.
"Matulog ka na lang ulit. Baka nananaginip ka lang," saad ni Manuel at saka muling nahiga, binalot ang sarili ng kumot at tumagilid, paharap sa aking pwesto.
Bago ako muling nahiga, sinulyapan ko muna ang aparador. Hindi pa rin ako mapakali sa aking nararamdaman. Alam kong may kakaiba sa aparador na iyon at 'yon ang gusto kong malaman. Pero tila mapagbiro talaga ang tadhana nang ilang saglit lang ay dahan-dahan itong sumasara at nag-ingay ang pag-ingit nito.
Nanlalaki ang mga mata ko sa takot at agad na dinaluhan sa pagtulog ang aking asawa.
Pero nang dahil sa aparador na ’yon, hindi lang matiwasay na gabi ang nanakawin sa akin.
Kinaumagahan, para akong batang ninakawan ng tulog, bagsak ang aking mga mata at hindi makadilat nang maayos. Panay ako sa pangungunot ng noo, maitaas lamang ang talukap ng aking inaantok na mata.
Lumapit naman sa akin si Manuel nang mapansin ako sa ganoong kondisyon. "Ayos ka lang ba? Magpahinga ka na muna kaya?" nag-aalala niyang sabi.
Nginitian ko siya na nagsasabing, 'Ayos lang ako.' Umalis muna siya at kumuha ng isang tasang kape. "Uminom ka na muna n'yan. Baka sakaling mawala 'yang antok mo," saad niya at saka inilapag ang hawak na kape.
Isang lagukan lang ang ginawa ko at mabilis na nasimot ang tasa. "Huwag ka na muna pumasok ngayon siguro. Sabihin mong masama ang pakiramdam mo. Maiintindihan naman nila 'yon," suhestyon niya na agad ko namang sinang-ayunan.
"Magpahinga ka na muna. Alagaan mo ang sarili mo," aniya at saka hinalikan ako sa noo.
Ilang saglit lang ay pumasok na si Manuel. Pumunta muna ako sa sala at doon na lamang napiling magpahinga. Pakiramdam ko talaga ay bibigay na ang aking mga mata dahil sa sobrang antok. Mabigat na rin kasi ang mga talukap nito na anumang oras ay babagsak.
Napabalikwas ako ng bangon nang makarinig ako ng kalabog sa ikalawang palapag, parang may kung anong bagay ang bumagsak. Kinabahan ako at mabilis na binalot ng takot. Nakatingala lang ako sa kisame at pinakiramdam kung may susunod pang kalabog.
Halos kalahating minuto ang lumipas nang sinundan ng hindi lang isa, ngunit tatlong malalakas na kalabog ang nauna. Doon na ako tuluyang nilukob ng takot. Bago pumaog sa itaas ay kumuha ako ng patpat bilang pangsanggalang sa maaaring nanloob sa bahay.
Nagpatuloy ang kalabog hanggang sa makaakyat ako sa ikalawang palapag. Nakumpirma ko na mula sa aming kwarto nanggagaling ang ingay. Napalunok ako ng laway habang dahan-dahang binabagtas ang aming pintuan.
Mula sa nakaawang na pinto ng kwarto, napansin ko ang isang taong, higit na mas maliit sa akin, tumakbo na mas mabilis sa aking pagkurap. Nanginginig ako habang hawak-hawak ang patpat. Nang maabot ko ang pinto ay dahan-dahan ko iyong binubuksan.
Iginala ko ang aking mga mata pero ang taong tinutukoy ko kanina ay biglang nagtago sa aming aparador. Kita ko ang mabilis na paglundag niya papasok sa kasangkapan at ang pagsara nito.
De-numero ang bawat paghakbang ko. Kasabay ang paghakbang ay ang pagtigil din ng tibok ng aking puso. Namamawis ang buo kong katawan.
Nang marating ang harapan ng aparador ay hinawakan ko ang magkabilang hawakan ng pinto habang hindi pa rin ibinababa ang patpat. Dahan-dahan ko iyong binuksan hanggang sa naging mabilis. Ngunit bumungad lang sa akin ang kumpol ng mga nakasampay na damit at...
Bakas ng mga paa sa ibaba!
Kanino naman manggagaling ang mga bakas na iyon? Siniyasat ko kung saan papunta ang mga bakas. Hinawi ko ang mga damit at nakitang pataas ang mga hakbang. Kinikilabutan ako habang ang tingin ko ay papaitaas.
Tumigil ang mga bakas sa kisame ng aparador. Wala akong nakitang kakaiba. Doon lamang ako nakahinga nang maluwag. Akala ko talaga ay nanakawin na ang aking paghinga.
Tumalikod na ako pero nagitla ako nang may humawak sa mga kamay ko at kinuha ang patpat kong hawak. Nanayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan dahil sa sindak. Hindi ko na nagawa pang lumingon at agad na tumakbo papalabas ng kwarto.
Hindi ako muling umakyat pa sa aming silid hanggang sa makarating ang aking asawa. Nagtataka siya dahil daig ko pa raw ang nakadroga. Naabutan niya akong takot na takot at nanginginig, mulat ang puyat na mga mata.
"M-may multo," nahihintakutan kong sabi.
Tumabi siya sa akin at hinawakan ang magkabila kong balikat. "Walang multo, okay? Walang multo," pagpupumilit niya pero bago pa man ako makasagot ay naroroon na naman ang kalabog. "Saan nanggagaling iyon?" aniya at saka napatingin sa kisame.
"Iyan na naman ang tunog," saad ko at saka nagsumiksik sa kanyang katawan. Pero tila wala siyang paki, tumayo siya at matamang pinakinggan ang pinanggagalingan ng ingay.
"Huwag mo akong iwan dito," pakiusap ko.
"Baka may nanloob sa bahay natin," aniya habang hindi nakatingin sa akin.
Nanginginig kong hinawakan siya sa kamay, nagpupumilit na samahan niya lang ako. "Mula 'yon sa aparador," paliwanag ko.
"Sa aparador? Nagbibiro ka ba? Walang multo-multo sa panahon ngayon," nakangunot noo niyang sabi. Alam kong hindi niya ako paniniwalaan. Tama nga naman. Sino pa bang maniniwala sa multo ngayon? Hangga't hindi mo nararanasan, malaki ang tyansang hindi mo talaga paniwalaan.
Hindi siya nakinig sa akin at nagpatuloy pa rin sa pag-akyat. Wala akong nagawa kung hindi ay sundan siya. Malikot ang mga mata ko habang ginagalugad ang buong paligid, pinakikiramdaman ang panganib na maaaring dumating.
Huminto muna kami sa pinto ng kwarto at sinenyasan ako na huwag maging maingay. Matapos ay maingat kaming pumasok. Wala kaming nakitang kakaiba, nasa pwesto ang lahat ng kagamitan sa loob pero ang kalabog, naroroon pa rin at nananawa.
Malakas ang loob ni Manuel sa ganitong mga bagay, wala siyang takot, sa pag-iisip na kakayanin niya ang anumang bagay. Puwesto siya sa pinto ng aparador at saka hinawakan ang hawakan nito.
Mabilis niya iyong binuksan at tulad ng mga nauna, wala na naman akong nakitang kakaiba. Wala na rin ang bakas ng mga paa roon. Normal na uli ang lahat. Kasabay din kasi ng pagbukas ay ang pagtigil ng kalabog.
"Sabi ko na sa 'yo. Walang kakaiba. Walang multo," ani Manuel.
Pero tila yata nagkamali siya dahil isang kamay ang pumulupot sa kanyang baywang at mabilis siyang hinila papasok sa loob ng aparador. Halos hindi ako nakaimik at nanatiling gulantang hanggang sa magsara ang pinto.
Napaluhod ako sa sobrang panghihina. W-wala na si Manuel.
Wala akong nagawa dahil sa sobrang takot. Hindi ko kayang galawin ang aparador sa takot na pati ako ay kunin ng taong naroroon.
Hindi rin nagtagal ay ibinalik ko sa antique shop na pinagbilhan ni Manuel ang aparador. Isa palang matanda ang may-ari no'n na nasa edad sitenta mahigit. Hiningi ko na lang ang kalahating presyo ng bayad namin sa aparador at pumayag naman siya sa kasunduan.
Nakalulungkot isipin na hindi ko na naibalik si Manuel. Masaya sana kami kung hindi lang sa lintik na aparador na iyan. Kaya ipinangako ko sa aking sarili na hindi na muling bibili pa ng segunda mano.
Masayang nililinis ni Aling Linda ang naibalik na aparador. Nangingiti siya dahil kumita na naman siya. Hindi lingid sa kaalaman ng mga tumatangkilik sa aparador na iyon ay ang kababalaghang nakapaloob doon na tanging si Aling Linda lang ang nakakaalam.
"Ang galing mo talaga anak," aniya habang pinupunasan ang aparador.
Bumukas ang pinto nito at umalingawngaw ang pag-ingit kasabay ang pagkaskas ng mga kuko.
"Behave lang aking anak. May customer ulit tayo," paalala niya sa tinutukoy niyang
anak .
1
Buntis
Nang bata ako, paniwalang-paniwala ako sa mga kuwentong may kinalaman sa ispirito, aswang, bampira, lamang-lupa, engkanto at marami pang iba. Nakakatwang isipin na mabisang pamamaraan ito ng mga matatanda upang takutin ang mga batang madalas maglaro tuwing gabi o dili kaya sa mga batang hindi natutulog nang maaga.
Pero lumipas ang panahon, tumanda na ako, hindi ko akalain na ngayon ko lamang mararanasan ang tunay na kababalaghan na nagpamulat sa akin na hindi lang ako – tayo – nag-iisa sa mundong ginagalawan natin.
Buwan ng Enero, nakaraang taon, limang buwan ng nagdadalantao ang aking nakatatandang kapatid na itatago na lang natin sa pangalang Samantha. Mag-isa siya sa kanilang bahay tuwing sasapit ang gabi sa kadahilanang minsan lang umuwi ang kanyang asawa dahil sa pagtatrabaho. Pansamantala, habang wala ang kanyang asawa, ako madalas ang napagbibilinang samahan siya tuwing gabi.
"Dito ka na humiga," paanyaya niya sa akin habang itinuturo ang bakanteng pwesto sa kanyang tabi. Agad naman akong sumunod sa kanyang alok at tumabi sa kanyang kama.
Bandang alas-diyes na nang gabi nang mga oras na iyon at kailangan na naming matulog dahil sa masama para sa kanya ang magpaabot pa ng ganitong oras. Ganoon din sa akin dahil may pasok pa ako kinabukasan.
"Tulog na tayo," utos niya sa akin. Gumilid ako ng pagkakahiga, paharap sa pader. Samantala, si Ate naman ay paharap sa pinto.
Ilang oras na akong tulog nang bigla ay makarinig ako ng ingay mula sa likod-bahay. Dahan-dahan kong iminulat ang mabigat kong mata dahil sa kulang pa sa tulog. Tiningnan ko si Ate kung nagising ba siya dahil sa ingay pero tila payapa pa rin ang kanyang pagtulog.
Nanatili akong nakahiga habang pinakiraramdaman ang buong paligid. Hindi pa rin natigil ang ingay at patuloy lang ito sa pangangalampag ng aking gabi.
Ayon sa pagkakaintindi ko sa tunog, dalawang pusa ang pinanggagalingan ng ingay. Isang malakas na ngiyaw na pangkaraniwan na sa mga pusa at isang mahina ngunit malalim na ngiyaw na tiyak na katatakutan mo.
Bumaba ako sa kama at dahan-dahang tinutunton ang pinanggagalingan ng ingay – sa likod-bahay. Binuksan ko ang ilaw sa likod at saka dumungaw sa bintana. Doon ko lamang nakumpirma na dalawa nga ang pusa nang matamaan ng liwanag ang labas.
Isang ordinaryong puting pusa at isang kakaibang itim na pusa na may berdeng mga mata.
Halos magsiakyatan ang kilabot sa buo kong katawan. Nakapaling ang tingin ng puting pusa sa aming pintuan samantalang ang isa naman ay diretso lamang nakatingin na tila nag-aabang na pagbubuksan ko siya ng pinto.
Dahil sa takot ay kumuha ako ng maaaring ibato sa kanila upang umalis na sila. Agad namang umalis ang puting pusa matapos kong batuhin na siyang iba naman sa ginawa ng isa, nanatili ito at hindi alintana ang ginawa kong pamamato.
Ang mga mata nito ay tila nagmamatiyag, nangingilatis, nagbabadya.
Dahil sa hindi pa rin umaalis ang pusang iyon ay kumuha na ako ng patpat na tama lang para maabot siya mula sa maliit na siwang ng pinto. Buong tapang kong iwinasiwas sa kanyang harapan ang hawak ko pero tila yata'y hindi nito napapansin ang ginagawa kong pambubugaw.
Nakatingin lang ito at patuloy sa pagngiyaw.
"Ano'ng ginagawa mo?" Halos malaglag ang puso ko nang bigla ay magsalita si Ate mula sa aking likuran.
"Tinakot mo naman ako," sagot ko habang sapo-sapo ang aking dibdib.
Natigilan ako sa pagkikipag-usap kay Ate nang maya-maya ay naging matinis ang pagngiyaw ng pusa. Tumayo ito at inilabas ang mahahaba at matatalas na mga kuko. Awtomatiko ko namang naihampas dito ang hawak kong patpat. Nakailang ulit pa ako bago ko tuluyang naitaboy ang itim na pusa.
Pero bago ito umalis ay tiningnan ako nito nang masama at nagpalabas muli ng matinis na ngiyaw.
Habol-hininga ako matapos humarap kay Ate. Nakakunot ang kanyang noo dahil sa pagtataka. Nang mahimasmasan ay ikwinento ko sa kanya ang buong detalye. Agad namang nagsiakyatan ang kilabot sa kanyang katawan. Parehas kami ng hinala na may kakaiba sa pusang iyon.
Pero hindi ko inakala na masusundan pa ang kababalaghang iyon sa mga magdadaang araw.
Nagdaan ang mga gabi pero naging tila ang katahimikan nito na nagdadala ng milyong kilabot ay nagbabadya ng panganib.
"Jun, isara mo na ang bintana," utos ni Ate sa akin bago kami matulog. Lumapit ako sa bintana at inabot ang isang bahagi nito. Pero bago ko pa man isara iyon ay luminga-linga muna ako.
Sa tapat ng bahay namin ay may isang poste na tama lang para malimliman ang buong kalsada. Habang abala ako sa paggalugad ng tingin, isang bagay ang dumaan sa ilaw ng poste. Sa tantiya ko ay paniki iyon dahil hindi naman ganoon kalakihan ang anino nito na tumatama sa lupa.
Nagtaka ako nang bigla ay umulit ang pagdaan nito sa ilaw ng poste. Hindi lang isa kung hindi maraming beses itong nagpaulit-ulit. Agad kong sinara ang bintana sa takot pero mas nabigla ako sa sumunod na nangyari.
Tila kinakalampag ang aming bintana dahil sa paghampas ng isang bagay roon. Nagpaulit-ulit ang paghampas. Mula sa liwanag na nanggagaling sa poste na tumatama hanggang sa aming bintana, may pakpak ang bagay na iyon.
Paniki…
Agad kong tinawag si Ate para sabihin sa kanya ang nangyayari. Nananaig na ang takot sa aming mga kalamnan. Mabilis naming kinuha ang aming cellphone at tinawagan si Papa.
Hindi ko akalain na maging sa siyudad ay talamak ang mga kababalaghan, na maging sa siyudad ay uso ang kwentong akala ko ay sa pagkabata ko lang maaaring mangyari.
Mabilis pa sa ala-una nang dumating si Papa. Bitbit niya ang isang baseball bat at isang supot ng bawang. Nangunot tuloy ang noo ko.
"Para po saan 'yan?" tanong ko patungkol sa bawang na hawak niya.
Inilapag ni Papa ang bitbit bago nagsalita. "Para sa inyo. Pamprotekta," sagot niya.
Aswang? Mga kakaibang nilalang na ang pakay ay busugin ang kanilang mga tiyan gamit ang pagpatay sa mga nilalang na may buhay na matitipuhan nila. Nang bata ako, naikwento na sa akin ang tungkol sa mga nilalang na iyon. Isa sila sa lubos na kinatatakutan ko nang bata pa ako.
"Kumuha ka ng sinulid at karayom," utos niya sa akin. "Dito ka naman sa tabi ko. Balatan natin itong bawang," ani naman kay Ate.
Matapos kong kunin ang sinulid at karayom, nakita ko silang hinihimay ang bawang, tinatanggal ang balat nito at hinihiwalay sa pagkakakumpol. Kinuha sa akin ni Papa ang karayom at sinulid at saka tinahi ang bawang, limang pirasong bawang kada sinulid.
Bawat tinahing bawang ay inilagay sa gilid ng bintana at maging sa pintuan. Hiniwaan din ng kaunti ang mga ito para raw mas maamoy.
"Okay na 'yan. Matulog na kayo. Masyado pang maaga," aniya at saka lumabas na ng bahay. Nang pasakay na siya sa motor ay binilinan niya pa ako. "Ingatan mo, Ate mo." At saka ko isinara ang pinto.
Amoy ko ang matapang na halimuyak ng bawang na lumilibot sa buong kwarto. Nakakailang lang dahil hindi ako sanay sa ganoong amoy. Nang una ay masakit sa ilong pero hindi rin nagtagal ay nakasanayan ko na.
Nagdaan ang mga araw, buwan, at tila naging matiwasay ang mga gabi. Malayong-malayo sa mga nauna. Hindi na rin ako nakaririnig ng maiingay na tunog na siyang gumigising sa akin sa malalim na pagkatulog.
Pero akala ko lang pala ang lahat dahil may kasunod pa.
Ikapitong buwan na ng pagdadalantao ni Ate, kailangan ang matinding pag-iingat dahil masyado ng malaki ang kanyang tiyan. Bandang alas-tres ng madaling araw, nakarinig ako na tila may matinis na tunog na nagmumula sa labas.
Pinakiramdaman ko ang paligid. Malakas ang ingay na iyon na animo'y mula sa malaking ibon. Panay ito sa pagsambit ng 'Tik', paulit-ulit at walang kasawaan. Pero habang tumatagal, pahina rin nang pahina ang ingay hanggang sa halos hindi mo na ito marinig.
Kasabay ang paghina nito ay ang tila paggulong ng mga maliliit na bato sa bubong ng aming bahay. Parang nililipad ang bawat bato dahil sa malakas na hangin.
Napabalikwas ako ng bangon at agad na napatingin sa kisame, sa takot na bigla ay mawarak ito. Maya-maya lang ay tila isang kuko naman ang kumakalaykay sa aming bubungan. Nakakangilo ang bawat paglapat nito sa yero.
Tiningnan ko si Ate pero parang bingi lang ito at hindi alintana ang ingay. Pakiramdam ko tuloy ay ako lang nakaririnig nito.
Naging mas malakas ang pagkayod ng kuko sa aming bubungan. Tila gigibain na nito ang buong bubong sa sobrang lakas. Agad akong kumuha ng patpat at kinalampag ang aming bubungan. Natigilan ito saglit pero bumalik din kaagad.
Wala akong magawa. Natatakot ako na baka sa aking paglabas ay hindi ko magustuhan ang aking makikita. Naghintay lang ako, mulat ang mga mata sa madaling-araw, nag-aabang na anumang sandali ay titigil din ang bagay na nasa bubong.
Bigla kong naalala ang tungkol sa bawang. Napansin kong hindi na ganoon kabagsik ang amoy nito. Luma na rin ang mga iyon at nabubulok na.
Kumaripas ako ng takbo papunta sa kusina at mabilis na kinuha ang mga natitirang bawang. Binalataan ko 'yon at hiniwaan upang lumabas ang amoy. Inilagay ko ang mga nahiwang bawang sa bandang bintana upang hanggang sa labas ay maamoy.
Kasabay no'n ay ang pagtigil ng pangangalaykay sa aming bubong. Maging ako ay natigilan at pinakiramdaman ang buong paligid.
Wala na akong nararamdamang banta sa paligid. Normal na ang lahat. Doon lamang ako nakahinga nang maluwag. Pero bago pa man iyon ay isang malaking anino ang tumama sa aming bintana, mas mabilis kaysa pagkurap ng aking mga mata.
Nakakatwang isipin na nagpaparamdam lamang sa amin ang mga nilalang na iyon sa tuwing makaliligtaan namin ang aming proteksyon. Ginagamit nila ang pagkakataon na iyon upang kami ay sindakin.
Nanganak na ang aking kapatid ngunit sa kasamaang-palad ay premature ang baby kaya kinailangan nitong, pansamatala, tumira sa ospital upang matutukan nang mabuti. Madalas ay walang tao sa bahay nila Ate kaya sa tuwing gusto ko mapag-isa para mag-aral ay doon ako natutulog.
Sa aking pag-iisa, habang nakahiga at handang matulog na, nakarinig ako ng batong tumatama sa pintuan. Maliliit na bato 'yon dahil sa tunog nito. Ipinagsawalang-bahala ko na lang iyon dahil alam ko, na wala na siyang maaaring saktan maliban sa akin.
Kinaumagahan, napakinggan ko ang mga matatandang nag-uusap habang ako ay nabili.
"Umalis na raw kagabi 'yong matandang nakatira d'yan," ani ng isang tsismosa.
"Mabuti na lang talaga. Napakamisteryoso kaya niya. Biruin mo, natutulog sa umaga at mulat sa gabi. Sino bang tao ang hindi matatakot sa kanya?" ani naman ng isa.
Napatingin ako sa bahay na tinutukoy nila. Dalawang bahay lang ang pagitan no'n mula sa bahay ni Ate. Napaisip tuloy ako at nagtaka dahil sa pagkakatanda ko, walong buwan palang silang nakatira roon.
Mumunting Regalo
(The original version of this is still posted at ‘My Works’ section. Here’s the link if you want to. http://www.wattpad.com/myworks/10912190-silent-christmas-one-shot-story )
“Hindi lahat ng regalo, nakakatuwa.”
Inabot na nang gabi si Sandra sa pag-uwi dahil sa tambak na gawain sa opisina. Maaga kasi niyang tinapos ang mga paperworks dahil sa nalalapit na Christmas holiday. Hindi na niya gustong maghabol pa sa Enero para lang tapusin ang mga naiwan niyang gawain.
Kasalukuyang binabagtas ni Sandra ang madilim na kalsada patungo sa bahay nila nang mag-isa. Halos limang bahay kasi ang pagitan ng bawat poste sa isa’t-isa na tama lang para malimliman ang daan.
Wala ring nagdaraang mga tao sa paligid na marahil ay umuwi sa kani-kanilang probinsya upang doon ay magbakasyon pansamantala. Malinis rin ang buong kalsada dahil wala ang matutulin na sasakyan na naghahabol ng tulog.
Pinupuno ng katahimikan ang buong kahabaan ng kalsada. Bigla siyang napayakap sa sarili nang umihip nang malakas ang hangin na sinabayan pa ng pagsayaw ng mga sanga ng puno. Napapayakap siya sa lamig na hatid nito na nanunuot hanggang sa kanyang laman.
“Ramdam ko na talaga ang Pasko,” aniya sa sarili habang parehong ikinikiskis ang dalawang palad sa giniginaw na mga braso.
Nakakakalahati na siya sa paglalakad nang bigla siyang makarinig ng isang mahinang kaluskos sa ’di kalayuan. Pinaakyat nito ang milyong boltahe ng kilabot sa kanyang katawan. Luminga-linga siya sa paligid ngunit walang anumang bakas na makapagsasabi kung saan nanggaling ang ingay.
Nanlalamig ang kanyang mga palad dahil sa sobrang kaba. Panay siya lunok ng kanina pa niyang laway. Naalala tuloy niya bigla ang sinabi sa kanya ng kaibigan nang minsan ay magkasabay sila pag-uwi.
Gabi nang mga oras na iyon at sa saktong lugar kung nasaan siya ngayon ang pinatungkulan ng kanyang kaibigan sa kwento.
“Alam mo bang may namatay na matanda dito dahil sa sobrang pang-aapi? Ang sabi-sabi, nagmumulto daw siya sa mga taong hindi mapagbigay. Kaya ang sinumang magdamot sa kanya ay tiyak na hahabulin niya hanggang sa bangungot!” naalala niyang sabi ng kaibigan.
Halos tumirik ang lahat ng buhok niya sa katawan dahil sa hilakbot. Mabilis naman siyang napailing upang maiwaglit ang kwentong iyon sa kanyang isipan. Huminga siya nang malalim at saka buong tapang na ipinagpatuloy ang paglalakad.
Tagaktak na ang butil-butil niyang pawis hindi dahil sa pagmamadali, kung hindi dahil sa takot na may sumunod sa kanya. Mabilis ang nagiging hakbang niya, mas mabilis kaysa sa nauna.
Sa ’di kalayuan, napansin niya ang isang matanda na nagkakalkal sa tumpok ng basura. Marumi ang suot nito na halos kulay uling na dahil sa sobrang dumi. Gula-gulanit na rin ang tela nito na hindi na halos matakpan ang balat nito sa katawan.
Imbes na tulungan ang matanda ay nilagpasan niya lang ito. Hindi na niya ito pinansin pa at nagpatuloy na lamang sa paglalakad para makauwi.
“Regalo ko?” narinig niyang sabi sa kanyang likuran. Nakakakilabot ang tono nito na tila garalgal dahil sa nanunuyong lalamunan. Tila napako naman ang kanyang mga paa sa kanyang kinatatayuan. Hindi siya makakilos. Ayaw sumunod ng kanyang paa sa kanyang nais.
Nagsimula na naman siyang lukubin ng takot. Hindi man niya makita kung ano ang nasa likod pero nakatitiyak siyang hindi maganda ang madadatnan ng pares ng kanyang mata.
“Regalo ko?” pag-uulit pa nito ngunit sa ibang tono na. Tila isang musika na likha ng bata ang nagsasalita. Nakakatakot. Nakakapanindig-balahibo.
Pinakiraramdaman ni Sandra ang kanyang likuran. Unti-unting lumalamig ang parteng iyon ng kanyang katawan - lamig na tila galing sa pridyeder ang humahaplos sa kanyang likod.
“Regalo ko?” sabi pa nito sabay hawak ng mahigpit sa braso ng dalaga. Sa pagkakataong ito, napaharap na si Sandra sa nagsasalita. Nagitla siya ng makita ang anyo nito. Luwa ang mga mata nito at naliligo pa sa dugo! Ang mga ngipin nito ay mala sa demonyo ang anyo.
“Regalo ko?!” malakas pa nitong sabi na parang boses na hinugot mula sa lupa. Nanlaki ang mga mata ni Sandra sa nasaksihan. Dahil sa takot, pilit niyang inaalis ang pagkakahawak nito sa kanyang braso.
“Bitawan mo ’ko!” reklamo niya. Ngunit sadyang mahigpit ang pagkakahawak sa kanya ng matanda, hindi niya magawang makakalas. Napapangiwi siya sa sakit dahil sa bumabaon nitong mga kuko sa kanyang balat.
“Regalo ko!” mas mariin at mas nakakatakot nitong sigaw kasabay ang mas humihigpit pang hawak nito. Halos mapilayan na ang dalaga sa sobrang sakit. Napapakagat labi siya habang pinipigilan ang makagawa ng eskandalo.
“Aaaahh!” sigaw niya nang hindi na makayanan ang sakit. Sinipa niya ang matanda sa tiyan dahilan upang ito ay bumitaw. Awtomatiko naman niyang hinawakan ang kanyang braso na namimilipit sa sakit. Puno ito ng dugo dahil sa kalmot na natamo mula sa bumaon na kuko ng matanda.
Halos mapaiyak siya dahil sa sakit. Pakiramdam niya ay umabot ang kuko ng matanda hanggang sa kanyang mga buto. Nanggagalaiti naman niyang tiningnan ang matanda.
“Fvck you! Mamatay ka na!” paghihimutok ng dalaga habang pilit inaampatan ang sugat upang hindi na magdulot ng sobrang pagdurugo.
Tumawa naman nang malakas ang matanda at hindi alintana ang ginawa ni Sandra. Para itong baliw na nakatingala habang kitang-kita ang matatalas na ngipin. Bilugan ang mapupulang mata nito na hindi mo mawari kung luluwa na ba.
Ilang sandali lang ay tumahimik ito at ibinaling ang tingin kay Sandra. Ngumiti ito nang nakakaloko dahilan upang tumulo ang malagkit na laway nito mula sa bibig.
“Hindi lahat ng regalo, nakakatuwa.” Tumayo ito na parang walang nangyari. “May kilala ka bang Diyos?”
Sandaling natigilan naman si Sandra. Hindi niya mawari kung ano ba ang tinutukoy ng matanda. Katahimikan na lamang ang naging tugon niya rito. “Kung may Diyos ka, simulan mo na ang magdasal dahil Kamatayan ang nararapat para sa kagaya mo!” sigaw nito.
Dali-daling sinugod ng matanda ang dalaga. Hindi naman kaagad nakatakbo si Sandra dahil sa pagkabigla. Tulala siya habang papalapit ang nakakakilabot na itsura nito. Kinagat siya nito sa leeg na pumunit sa kanyang balat.
“Aaaaaahh!” tili niya dahil sa sakit. Umagos mula rito ang sariwang dugo, malapot at mainit pang dugo. Halos maligo na siya rito dahil ang kulay puti niyang suot ay halos maging pula na. Nanginginig siya sa sakit.
“Aaahhh!” sigaw pa ulit ng dalaga. Tinadyakan niyang muli ito sa tiyan dahilan upang bumagsak ito sa kalsada mula sa kanyang posisyon. Habol-hininga siya sa kanyang ginawa. Hindi siya natigil sa isang sipa, makailang beses pa niya iyon pinaulanan ng hampas.
“Fvck you!” sigaw niya kasabay ang pagsaludo ng kanyang gitnang daliri. Ramdam na niya ang nanghihina niyang mga tuhod. Marahil ay dahil sa dami na rin ng dugong nawala sa kanyang katawan.
Agad siyang naglakad papalayo upang makahanap ng distansya mula sa matanda ngunit sa kasamaang-palad, isang mabilis na sasakyan ang humaharurot papunta sa kanya. Hindi na niya nagawa pang makaiwas sa paparating na sasakyan. Nabangga siya nito at itinilapon ang kawawang katawan sa gitna ng kalsada.
Umiikot na ang kanyang paningin. Hindi na rin niya mahanap ang kanyang huwisyo. Basta ang alam niya, napakasakit ng kanyang buong katawan - parang pinipilit nang paulit-ulit.
Bago pa man siya pumikit, nakita niya ang matanda na nakaway sa kanya at nagsabi ng katagang, “Regalo ko kasi.”
Nagmulat ng mata ang dalaga at natagpuan ang sarili sa isang puting kwarto. Sa gilid ay kita niya ang isang dextrose na kumokonekta hanggang sa kanyang braso. Ang buong katawan niya ay hinang-hina habang nakaratay sa higaan.
“Mabuti naman po at nagising na kayo,” wika ng isang babaeng nakasuot ng puti na sa tingin niya ay nars. Abala ito sa pagtingin sa folder na hawak.
“Nasaan ako? Bakit ako nandito?” pagtatanong niya.
Ibinaba ng nars ang hawak na folder at saka tiningnan siya sa mata. “Hindi niyo po ba matandaan? Nabangga po kasi kayo kanina. Mabuti na nga lang at nadala kaagad kayo sa ospital. Mapalad kayo dahil may mabuting kalooban ang taong iyon,” pagpapaliwanag ng nurse.
Bumalik sa kanyang alaala ang pagbangga ng kanyang katawan sa sasakyan. Kaya ganoon na lamang pala ang pamimilipit niya sa sakit. Hinawakan niya ang tadyang na lubos na napuruhan sa nangyari. May kirot pa ang parteng iyon ng katawan sa tuwing madadaplisan ng kanyang kamay.
Naalala niya bigla ang matanda at ang nakakatakot niyang karanasan dito. Kung hindi dahil sa kanya, hindi siya magkakaganito.
“Tapos ko na po ayusin ang mga aparato. Aalis na po ako. Maging masaya sana ang iyong Pasko,” pagpapaalam nito. Pero bago ito tuluyang umalis, dumungaw pa ito sa pintuan. “Regalo ko, ah.,” pahabol pa nitong sabi saka umalis na sa kwarto.
Hindi maipaliwanag na takot at kaba ang naramdaman niya sa mga sandaling iyon. ’Yon ang katagang binitawan sa kanya ng matanda. Muling bumabalik sa kanya ang takot na ipinadama nito sa kanya.
Nakarinig siya ng mahihinang tatlong katok mula sa pintuan.
“Sino ’yan?!” sigaw niya. Walang nagsasalita, walang sumasagot.Inulit pa niya ang tanong pero wala pa rin siyang nakuhang tugon. Napagpasyahan niyang tumayo na lamang at tingnan kung sino ang tao sa labas.
Buong lakas niyang iniangat ang sarili. May paminsan-minsang kirot pa rin siyang nararamdaman sa tuwing hahakbang. Binuksan niya ang pinto at sumalubong sa kanya ang malamig na simoy ng hangin na nanuot sa kanyang mga laman.
Walang tao. Napansin niya ang isang regalong nasa tapat ng kanyang pintuan. Katatamtaman lang ang sukat no’n na nababalutan ng pulang gift wrapper. Binasa niya ang nakasulat na pangalan. Para sa kanya ito.
Nagdadalawang isip siya kung bubuksan niya ang regalo. Ngunit dahil sa lubos na pagatataka kung ano ang laman nito, minabuti pa rin niyang buksan ang regalo kahit na wala siyang ideya kung kanino man galing ito.
Isang piraso ng papel ang laman nito na nakasulat ang salitang, KAMATAYAN…
Nabitawan niya ang kahon at awtomatikong binalot ng takot. Nagsimulang magpatay sindi ang mga ilaw. Maging ang paligid ay binalutan ng hindi pangkaraniwang lamig. Kahit na puno pa ng sugat ang katawan ay buong tapang siyang lumabas.
Sa gitna ng hallway ay may nakatayong lalaki na sa tantiya niya ay mga saisenta na ang edad. Hindi niya makilala ang mukha nito dahil nakayuko ito. Dahan-dahan siyang lumapit dito upang humingi ng tulong.
“Excuse me po,” wika niya.
Biglang umikot ang ulo ng lalaki at tumambad ang duguang bibig nito. Hiwa ang bibig nito hanggang sa tainga. Napasigaw sa sobrang sindak si Sandra. Kahit nanghihina, tumakbo siya palayo.
Pumasok siya sa isang kwarto at doon ay nagtago. Mabilis ang kabog ng kanyang dibdib na sa tanging ingay na umaalingawngaw sa buong paligid. Naupo siya sa sulok habang takip-takip ang bibig upang hindi makasigaw.
“Namamasko po,” rinig niyang sabi. Kilala niya ang boses na iyon - sa matandang lalaki iyon!
Pakiramdam niya ay wala talaga siyang balak buhayin ng matanda dahil hanggang dito ay nasundan siya. Ramdam niya ang panginginig ng kanyang katawan.
Nadadaig na siya ng kanyang takot. Nilalakasan na lamang niya ang kanyang loob upang hindi panghinaan. Pero kaunti na lang, maaari na rin siyang bumigay.
“Nasaan ka na?” wika pa ng matanda na umaalingawngaw sa hallway ng ospital. Naririnig niya ang bawat yabag ng paa ng matandang papalapit. Bawat yabag ay pagtigil din ng pintig ng kanyang puso.
Ilang sandali lang ay bumalot ang kakaibang katahimikan. Pinakiramdaman niya ang buong paligid. Walang ingay na nagsasabing may tao sa labas. Tumayo siya mula sa pagkakaupo. Dahan-dahan niya ibinuka ang pintuan at doon ay minabuting tingnan ang hallway.
Napapalunok siya ng laway habang ginagalugad ng isang mata ang labas ng kwarto.
“Sino yang sinisilip mo?” narinig niyang sabi mula sa kanyang likuran. Halos mapaupo siya sa pagkabigla. Ikinapit niya ang kanyang kanang kamay sa pintuan upang alalayan ang nanginginig na tuhod.
“P-paanong?” nauutal niyang sabi. Halos umakyat ang dugo niya sa katawan sa sobrang sindak.
Awtomatikong binuhat niya ang sarili at iika-ikang lumabas ng kwarto. Dumaan siya sa fire exit upang doon ay sana bumaba. Ngunit sa kasamaang-palad, natagpuan niya doon ang matandang lalaki na wala ng mga mata.
Dali-dali siyang pumanaog pataas. Pagbukas niya ng pinto, nasa rooftop na siya ng ospital. Wala na siyang kawala, wala na siyang matatakbuhan. Ang tanging daan na lang ay ang tumalon siya sa matarik na gusali.
Dahan-dahang lumalapit sa kanya ang matanda. Lalo pang naging hindi kaaya-aya ang itsura nito. Puro uod ang katawan nito at naliligo sa dugo. Hindi pa maipinta ang mukha nitong naaagnas na.
“Lumayo ka! Parang awa mo na!” pagmamakaawa ni Sandra habang unti-unting umaatras. Hindi na niya napigilan ang mapaluha dahil sa maaari niyang sapitin.
“Hindi mo na ako naaalala siguro,” wika ng matanda.
Nangunot naman ang noon g dalaga. “A-ano?” pagtataka ni Sandra.
“Ako ’yong matanda na lagi mong nakikita kapag nagdaraan ka pauwi,” pagpapaliwanag niya. “Isa ka sa mga walang kwentang tao na umalipusta sa ’kin. Tulad mo sila! Mapanghusgang tao! Porket ganito ang itsura ko ay pwede niyo na akong apihin!” galit nitong sabi. Ramdam niya ang poot na bumabalot dito - poot na marahil dahilan upang siya ay maghiganti.
Bumalik sa kanyang alaala ang isang matanda na noon ay madalas niyang makasalubong pauwi. Diring-diri siya rito sa tuwing lalapitan siya nito para manghingi ng kaunting pagkain. Hindi maikakaila na natuwa siya ng bahagya nang malamang patay na ang mtanda dahil sa pagkalason mula sa natagpuang pagkain sa basurahan.
“Kung ano man po ang nagawa ko sa inyo, patawarin niyo na po ako,” Nangingilid ang luha sa mga mata ni Sandra sa sobrang takot. Naramdaman niya na nasa dulo na siya ng palapag at ano mang oras ay maaari siyang mahulog.
“Hindi ko kayo mapapatawad!” sigaw ng matanda at saka itinulak si Sandra.
Nawalan na siya ng balanse at nahulog mula sa itaas ng gusali. Umalingawngaw ang hampas ng kanyang katawan sa konkretong sahig. Bali-bali naman ang kanyang mga buto na tila mga kawayang pinutol.
Umaagos rin ang dugo niya sa kalsada. Hindi maipaliwanag na sakit ang kanyang nararamdaman. Mulat ang mga mata niya na takot pa rin sa mga sandaling iyon.
“Kung binigyan niyo lang sana ako ng regalo. Maligayang pasko sa iyo,” huling sabi pa ng matanda.
Kinaumagahan, nagulat ang lahat ng makakita ng isang malaking regalong kulay pula sa tapat ng ospital. Lahat ay nagtataka na may halong takot kung ano ang laman ng kahon. Ang ilan ay sinasabing bomba ang laman no’n na maaaring sumabog kapag binuksan nila.
Isa kanila ang nagtapang na buksan ang regalo. Lahat sila ay pigil ang hininga sa unti-unting pagpunit ng pambalot nito. Bago pa man bumukas ay sinalubong na sila ng masangsang na amoy. Awtomatiko naman silang napatakip ng ilong dahil sa matinding amoy.
Ang lahat ay napasigaw nang mula sa loob ay tumambad sa kanila ang nagkalasog-lasog na katawan ni Sandra. Namumutla ang balat nito na nababahiran ng napakaraming dugo. Lahat ay diring-diri sa nasaksihan ngunit marami rin ang nahihiwagahan kung ano ang nangyari sa dalaga.
Bintana (Part 1)
BINTANA
“Sa tuwing tatawagin niya kayo para makipaglaro, huwag na huwag kayong bababa gamit ang lubid sa bintana dahil isasama ka niya sa kanyang mundo.”
Buwan ng Mayo, napagpasyahan namin na pumunta sa Baguio para magbakasyon. Para na rin makapagpahinga kami at maibsan ang init na nararamdaman namin sa Maynila. Para kasi kaming nasa malaking pugon kapag naroroon kami.
Nagrenta kami roon sa Baguio ng isang apartment. Maswerte kami dahil kahit na dagsa ang mga turista roon ngayon ay hindi kami naubusan ng matutuluyan.
Maganda ang narentahan naming bahay dahil bukod sa magandang interior ay kumpleto na rin ng kagamitan. Malaki ang bahay na may dalawang palapag at tatlong kwarto. Sakto lang talaga dahil dalawa lang kaming magkapatid at ang isa ay para kina Papa at Mama.
“Pumunta na kayo sa mga kwarto niyo para iligpit ang mga gamit niyo. Maya-maya ay maglilibot na tayo,” utos ni Papa.
Namilog naman ang mga mata naming magkapatid sa huling sinabi ni Papa. Dali-dali kaming nagtungo sa kwarto namin para mabilis na makapagligpit. Sa akin napunta ang huling kwarto sa ikalawang palapag.
Papunta sa kwarto ko, makikita mo ang isang bintana sa dulo ng hallway. Kapag sumilip ka roon ay makikita mo ang isang malawak na kapatagan. Mayroon ding lubid na nakatali mula sa bintana na may habang lagpas hanggang sa lupa. Hindi ko tuloy mawari kung para saan ang lubid na iyon.
Ipinagsawalang-bahala ko na lang iyon at dumako na ako sa kwarto ko at nag-ayos ng gamit. Matapos ’yon ay bumaba na ako dahil sa ipinangako ni Papa na maglilibot na kami. Kahit kasi ilang beses na ako nakapag-ikot sa Baguio, hindi ko pa rin napagsasawaan ang ganda na taglay nito.
Una naming tinungo ang Burnham Park. Maraming turista roon kaya sumaglit lang kami. Marami pa raw kasi kaming pagkakataon para maglibot doon. Sinunod namin ang The Mansion. Halos picture taking lang ang ginagawa namin. Nang magsawa ay kumain na muna kami sa pinakamalapit na kainan.
Sa ganitong klima, masarap ang hot chocolate at ang matamis-tamis nilang suman. Napapangiti ako habang takam na takam sa pagkain. Hindi namin namalayan ang oras. Masyado kaming nalibang sa pagtatanaw ng magagandang lugar dito sa Baguio.
Napagpasyahan na naming umuwi dahil pupunta pa raw sila Mama sa Session Road mamayang gabi. Matutulog raw muna sila saglit at saka lalarga. Hindi ko naman hilig ang magpunta roon dahil puro tiangge lang naman ang aking makikita.
Hindi ko na nagawang magpalit ng damit dahil sobrang sakit na ng katawan ko kakalibot at kakalakad. Hindi ko na rin naihubad ang aking mga sapatos sa sobrang katamaran. Agad akong dinalaw ng antok kaya mabilis rin akong nakatulog.
Nang bandang alas-tres, nagising ako dahil sa ingay. Papikit-pikit pa ako nang mga sandaling iyon. Pinakiramdaman ko kung saan ba nangagaling ang tunog na iyon. Umupo ako sa kama at dahan-dahan kong inilalapit ang tainga ko sa pinanggagalingan nito.
Sa labas! Marahil ay dumating na sila Papa galing sa Session Road. Bumalik na lang ako sa paghiga at agad na hinanap ang antok dahil sa naantalang tulog.
Maya-maya ay naroroon na naman ang ingay. Nakasisigurado na akong hindi sila Papa ang may likha no'n. Kinabahan tuloy ako kung may nagtatangkang manloob sa bahay. Kumuha ako ng maaaring ipangsanggalang at marahang lumapit sa pintuan.
Inilapit ko ang tainga ko sa pintuan at pinakiramdaman ang labas. Doon lamang naging malinaw ang tunog sa akin. Parang binabato ng kung anong bagay ang bintana.
Ibinuka ko ng bahagya ang pinto at saka ginalugad ng tingin ang hallway. Wala akong nakitang bakas ng kung sinuman. Hindi pa rin natitigil ang pagbato sa bintana.
Lumabas na ako para silipin kung sino iyon pero saktong tingin ko rin ay agad na tumigil ang pagbato. May nanggu-goodtime lang ba? Parang hindi naman. Kasi sinong tao ang mag-aabala na manggulo sa ganitong oras?
Pabalik na ako sa kwarto ko nang bigla ay makakita ako ng anino na tumatama sa sahig ng hallway maliban sa akin. Maliwanag ang buwan ngayon kaya may sapat na liwanag na dumadaan sa bintana. Dahan-dahan kong nilingon iyon.
Ramdam ko ang panginginig ng katawan ko. Nagsisitayuan na rin ang lahat ng balahibo ko. Nang matunton ng mga mata ko ang bintana ay wala naman akong nakitang kakaiba. Doon lamang ako nakahinga nang maluwag.
Namamalik-mata lang siguro ako dahil kulang pa ako ng tulog. Ipagpapaumaga ko na lang siguro ang tungkol dito. Sa ngayon ay ipagpapatuloy ko na ang naudlot kong tulog.
Kinaumagahan ay sabay-sabay kaming kumain. Agad kong binuksan ang paksa tungkol sa naranasan ko kagabi.
"Ma, anong oras po kayo nakauwi ni Papa?" tanong ko kay Mama na abala sa paghahalo ng kanyang kape.
Tumingin siya sa akin at saka nangunot ang noo. "Hindi na kami nakaalis ng Papa mo. Tuloy-tuloy kasi ang naging tulog namin kaya hindi na kami nagising. Umaga na nang magising ako," wika ni Mama.
Napatango lang ako. "May narinig ba kayong ingay kagabi? 'Yong parang may namamato?" tanong ko ulit.
Nagkatinginan silang tatlo pero pare-pareho lang sila umiling. "Kuya, baka paranoid ka lang. Ang tahimik kaya kagabi. Gumising pa nga ako nang madaling araw para umihi," paliwanag ng kapatid ko.
Siguro nga ay guni-guni ko lang ang lahat. Dala na rin siguro ito ng madalas kong panunuod ng horror movies. Hindi ko na tuloy namamalayan na napaghahalo ko na ang realidad sa fiction.
Matapos kumain ay bumalik na muna ako sa kwarto ko para kunin ang tuwalya. Bigla ko na namang narinig ang mga pagbato. Nakatitiyak na ako na hindi guni-guni ang lahat. Dali-dali akong tumakbo palabas ng kwarto at tumingin sa bintana pero gano'n pa rin ang nadatnan ko - bigla na lang nawawala ang tunog at hindi ko na naaabutan ang taong namamato.
"Ano'ng ginagawa mo?" Hindi ko namalayan na nasa tabi ko pala ang kapatid ko.
"Hindi mo ba narinig 'yon?" tanong ko.
"Ang alin?" nagtataka niyang tanong.
"May namamato kanina sa bintana, e," saad ko. Binigyan niya lang ako ng nagtatakang mukha.
"Kanina pa kaya ako dito bago ka pa lumabas ng kwarto mo. Wala naman akong naririnig na namamato."
"Meron nga. Kakarinig ko lang kaya," pagpupumilit ko.
"Bahala ka kung ano'ng gusto mong paniwalaan. Basta wala akong narinig," aniya at saka pumasok sa kwarto niya.
Napuno ako ng pagtataka. Bakit ako lang ang nakaririnig ng ingay? Nakasisiguro akong hindi guni-guni ang lahat. Muli kong tiningnan ang labas. Nabigla ako nang may makita akong batang lalaki na nakatingin mula sa labas. Agad din siyang tumakbo nang makita ako.
"Sandali!" pigil ko rito.
Agad akong lumabas ng bahay para puntahan ang bata. Pumunta ako sa direksyon kung nasaan nakatapat ang bintana. Pero nang makarating ako ay mabilis na nawala ang bata. Saan kaya pumunta 'yon? Tinanaw ko ang buong paligid sa pag-aakalang hindi pa nakakalayo ang bata pero nabigo lang ako.
Marahil siya 'yong naririnig kong namamato sa bintana. Pero bakit? Bakit niya binabato ang bintana namin? Lalo lang tuloy ako nahiwagaan sa nangyayari.
Bintana (Part 2)
Natapos ang araw ko kakaisip sa batang iyon at ang tungkol sa bintana. Hindi ako makapagpokus sa ibang bagay. Ginugulo kasi ang isipan ko nang kung ano-ano na may patungkol sa dalawa. Nakakapagtaka rin na kanina ay ako lang ang nakarinig sa ingay.
Muli kong narinig ang ingay nang bandang alas-tres ng madaling araw ulit. Pinilit kong idilat ang mata ko. Pinakiramdaman ko ulit ang buong paligid. Mas kakaiba na ang ingay ngayon dahil may naririnig na akong nasigaw.
Mula ang boses na iyon sa isang bata. Tinatawag nito ang pangalan na, "Joshua." Sa pagkakatanda ko ay wala namang Joshua sa pamilya namin. Lumabas ako ng aking kwarto para pagsabihan ang bata.
Nang sumilip ako sa bintana ay nanlaki bigla ang mata ko. Halos kumawala ang dibdib ko dahil sa malakas na pagpintig nito. Kitang-kita ko ang isang bata na bali ang kamay at puno ng putik ang buong katawan. Umiiyak din ito ng dugo!
Nanigas ang buo kong katawan sa kinatatayuan ko. Hindi ko magawang ipaling ang ulo ko para hindi makita ang bata. Namamawis ang buo kong katawan dahil sa sobrang kaba.
"Joshua..." mahina pero kakikitaan ng kilabot nitong sabi.
Ngumisi ito sa akin na halos panawan ko ng ulirat. Dahan-dahan itong lumalapit sa bahay namin. Kumapit ito bigla sa lubid na nakakonekta sa bintana. Ramdam ko ang sobrang pagkatakot sa dibdib ko. Marahan itong umaakyat gamit ang lubid papunta sa akin.
Tatlong dipa... Dalawang dipa... Isang dipa na lang ang layo niya sa akin. Nagsisitaasan na ang balahibo ko sa katawan. Gusto ko ng tumakbo at kalampagin ang kwarto nila Mama. Sa huling akyat niya ay nagkatapat na ang mukha namin.
Hindi ko alam kung humihinga pa ako. Pakiramdam ko kasi ay tumigil ang buo kong sistema nang mga sandaling iyon.
"Joshua..." muli niyang sabi. "Laro tayo..." Inilalapit niya sa akin ang maputik niyang kamay.
Sa pagkakataong iyon ay bumigay na ang tuhod ko. Awtomatiko naman akong napaatras hanggang mapasandal sa pader. Hindi ito lumalapit sa akin mula sa bintana bagkus ay nanatili lang itong nakatingin sa akin.
"A-ano... A-ano...," Hindi ko maipagpatuloy ang sasabihin ko dahil sa sobrang pagkatakot. "A-ano b-bang k-kailangan m-mo... s-sa a-akin?" nauutal kong sabi.
"Laro tayo..." muli nitong sabi.
Natatakot na talaga ako. Hindi ko na kakayanin ang sobrang pagkasindak. Sana ay may magligtas sa akin sa bangungot na ito. Mapalad naman ako nang bigla ay bumukas ang pinto ng kapatid ko.
Nangungunot ang noo niya nang tingnan niya ako. "Ano'ng ginagawa mo riyan?"
Imbes na sagutin ang kanyang tanong, tumakbo ako papalapit sa kanya at mahigpit na niyakap siya. Hindi ko namalayang napaluha na pala ako sa takot. Nanginginig pa rin ako nang mga oras na iyon. Ayaw kong kumawala sa kanya.
"Ano'ng nangyari sa 'yo?" tanong niya. Hindi pa rin ako nasagot at mas lalo ko lang hinigpitan ang yakap ko. Nagyon ko lang naramdaman ang ganitong panginginig na halos ikabagsak ng buo kong katawan.
Lumabas naman sila Mama nang marinig ang ingay namin. Agad naman silang lumapit sa akin nang makita ako sa ganoong kondisyon. Pilit nila akong inaalo. Panay hagod sila sa aking likod upang kumalma ang nangangatog kong katawan.
"Ano bang nangyari?" tanong ni Mama sa kapatid ko. Umiling lang siya.
Huminga ako nang malalim at saka pilit na binubuo ang aking sarili. "M-may bata sa b-bintana..." Huminga ulit ako. Hindi pa rin pala nawawala ang panginginig ko. "'Y-yong s-sinasabi kong may n-namamato, n-narinig ko ulit 'yon," nauutal kong sabi.
Nagkatinginan naman sila. Alam nilang hindi ako nagbibiro nang sandaling iyon. "Wala kaming narinig na pagbato. Pero base sa naging karanasan mo, marahil ay kailangan natin kontakin ang may-ari ng paupang bahay na 'to."
Nakahinga na ako nang maluwag pero hindi ako nagpaiwan mag-isa sa kwarto ko. Nakitulog muna ako sa kapatid ko at doon na lamang magpapaabot ng umaga. Matapang ako pero hindi sa ganitong bagay.
Pagkagising ko, nakita kong nasa sala ang may-ari ng bahay kausap sila Mama. Agad naman nilang binaling ang tingin nilang lahat sa akin. Kinukusot ko pa ang mata ko nang lumapit ako sa kanila.
"Alam niyo, hindi lang kayo ang unang nagkwento tungkol d'yan. Ang ilang tumira rito ay nakaranas din ng ganyang kababalaghan maging ang aking anak," kwento nito. Nakaramdam ako ng takot. Hindi lang pala ito ang unang beses pero bakit nagpapatuloy pa rin?
"Ano pong pwede naming gawin? Sayang naman kasi kung lilipat kami. Baka wala na ring bakanteng paupahan ngayon," ani Mama.
Yumuko naman ang may-ari ng bahay na parang nag-iisip. "Tinanong ko rin ang unang may-ari ng bahay kung ano'ng pwede naming gawin tungkol d'yan pero tanging ang kasambahay lang nila ang humarap sa akin." Tumigil siya at saka nagpatuloy. "Pero may ikwinento siya sa akin."
"Anong kwento?" tanong ko gawa ng kuryosidad.
Huminga muna siya nang malalim at pinilit alalahain ang buong kwento. "Ayon sa kwento ng kasambahay, ang unang may-ari raw kasi ng bahay na ito ay may anak na lalaki. Pinipigilan niya raw ito makipaglaro sa labas. Ngunit isang-araw, may nakita itong batang lalaki sa labas at inaya siyang makipaglaro. Anak raw 'yon ng hardinero," kwento nito.
Napapatango lang ako at mariing nakikinig sa kanyang kwento. "Dahil nga sa hindi siya pinapalabas ng kanyang ina ay gumawa siya ng paraan. Naglagay siya ng lubid mula sa bintana pababa. Doon siya dumadaan sa tuwing gusto niyang makipaglaro sa anak ng hardinero. Pero hindi rin nagtagal ang sayang iyon dahil nalaman din ng kanyang ina ang tungkol dito. Isang beses nang paakyat na ang anak ng hardinero para sunduin ang kalaro ay agad na bumungad ang kanyang ina sa bintana. Dahil sa pagkagitla ay nahulog ito mula sa bintana na ikinamatay rin niya."
Naramdaman kong biglang sumikip ang dibdib. Dahil ba ito sa awa? Siguro ay dahil sa ina ng bata. Dahil sa kanyang kahigpitan, may buhay na nawala.
"Hindi raw binigyan ng magandang libing ang bata at hinayaan lang malibing ang sarili sa lupa," pagtatapos ng kwento nito.
Lahat kami tulala, walang gustong magsalita. Nagpapakiramdaman kami. Ibig sabihin, ang nakikita kong bata ay 'yong anak ng hardinero. Kaya pala bali ang katawan nito at puno ng putik.
"Pero nasaan na ang kaibigan nito? Nasaan na ang pamilyang unang tumira rito?" sunod-sunod kong tanong.
"Hindi ko alam kung tsismis ito pero lumayas daw ang anak ng unang may-ari ng bahay. Dahil sa matinding depresyon ng ina ay nabaliw naman ito. Kaya raw napilitan na lang silang ibenta ang bahay sa akin," kwento nito.
"Pero hindi niyo pa rin nasasagot ang tanong ko. Ano'ng maaari naming gawin para matigil ito?" singit naman ni Mama.
Nagkibit-balikat lang ang kasalukuyang may-ari ng bahay at saka mariing umiling. "Nagtanong na rin ako sa albularyo. Hindi niya mapaalis ang bata pero may sinabi siya sa akin."
"Ano?"
"Sa tuwing tatawagin niya kayo para makipaglaro, huwag na huwag kayong bababa gamit ang lubid sa bintana dahil isasama ka niya sa kanyang mundo," aniya.
Napapatango lang ako. Magpapatuloy lang pala ang bata sa paghahanap ng kanyang makakalaro. Ang tanging paraan lang ay huwag siyang intindihin. Pero may kirot pa rin sa aking dibdib. Kailan makukuha ng bata ang tunay na katiwasayan? Kung makukulong pa rin ang katawan niya rito sa lupa?
Nagdesisyon naman si Mama na aalis na lang kami at uuwi na muna sa Maynila. Baka kasi kung mapapano pa ang isa sa amin. Iginalang naman ng may-ari ang aming desisyon. Nagawa pa nga nitong humingi ng paumanhin dahil hindi niya kaagad nasabi.
Nang araw ding iyon ay iniayos na namin ang aming gamit para pumanaog pabalik sa Maynila. Pero bago ako umalis, pumunta muna ako sa bintana at tiningnan ang labas mula roon. Nakakalungkot isipin na rito lang nagwakas ang buhay ng isang inosenteng bata. Hindi man lang nagawa nitong libutin ang ganda ng mundo tulad ng ginagawa ko. Hiling ko sa kanya ang katahimikan.
Maya-maya'y nakaramdam ako ng panlalamig na nanunuot sa katawan ko. Nanigas ang buo kong katawan. Tila napako ang mga paa ko sa sahig. Hindi ko magawang makakilos.
Unti-unti ay sumusulpot ang ulo ng bata mula sa bintana. Umuurong ang dila ko. Namamawis ang buo kong katawan dahil sa sobrang takot. Ano'ng gagawin ko? Hindi ako makatakbo! Hindi ako makasigaw!
"Laro tayo..." Unti-unti ay dinidikit niya ang kanyang mukha sa aking mukha. Mariin kong ipinikit ang mata ko. Natatakot na ako.
Naramdaman ko na lang na may biglang humawak sa kamay ko. Dahan-dahan kong iminulat ang mata ko at saka iginala ang mata. Nasa labas ako ng bahay... at kasama ang bata!
"Joshua..." saad nito at saka ngumiti. Paano ako napunta rito?!
Maya-maya ay umalingawngaw ang malakas na sigaw mula kay Mama. Napatingin ako sa direksyon ni Mama. Kitang-kita ko ang sobrang pagkatakot sa kanyang mata habang tinitingnan ang isang bagay na nahulog mula sa bintana.
"M-ma! S-si K-kuya! Tumalon sa bintana!" wika ng aking kapatid.
Pinakarimdaman ko ang aking katawan. Para akong hangin na malamig. Kitang-kita ko mula sa ibaba ang katawan ko na wala ng malay. Umiiyak sila Mama at ang nakababata kong kapatid. Samantalang gulat naman si Papa sa nangyari.
"Ano ba talagang nangyayari? Buhay pa ako! Buhay pa ako!" saad ko at saka lumapit kina Mama pero tumagos lang ako. Hindi pwedeng mangyari 'to! Napapaatras ako dahil sa pagkabigla. Hindi ko na maintindihan ang nangyayari. Nananaginip ba ako?
Biglang sumulpot sa harapan ko ang bata. "Halika na. Doon tayo maglaro," aniya.
Hindi ko alam pero tulala akong sumunod sa kanya habang rinig na rinig ko pa rin ang palahaw na sigaw ni Mama. Hindi pa rin magawang mag-sink in sa akin ng nangyari. Naramdaman ko na lang na biglang umiinit ang paligid. Saan niya ba ako dadalhin?
"Nandito na tayo. Dito tayo maglalaro," masayang turan niya.
Mula sa nakikita ko, puno ng apoy ang buong paligid. Maraming boses akong naririnig na nagsusumamo dahil sa sakit na kanilang nararamdaman. Doon ko lang naintindihan ang lugar nang bigla ay tumubo ang dalawang sungay sa ulo ng bata.
"Halika't maglaro tayo ng apoy," wika niya at saka tumawa nang matinis.
Huwag Kang Lilingon
Madalas tampok sa kwento ng matatanda ang tungkol sa mga lumang bahay. Mabisa raw itong panakot sa mga bata na makukulit at gusto pang maglaro tuwing gabi. Ayon sa kanilang kwento, ang luma o abandonadong bahay ang madalas pamugaran ng masasamang ispirito dahil puno ito ng lungkot. Ito raw ang nagtutulak sa mga ispirito na tumira roon.
Nakakatwang isipin na hindi pala
lahat ng bahay ay tirahan para sa tao. Minsan tirahan din ito ng ispiritong minsan ay naging tao.
Malamig ang simoy ng hangin. Madaling araw na naman nakauwi mula sa trabaho si Minda. Nagtatrabaho kasi siya bilang Accounting Analyst sa isang kompanya sa Pasay kaya madalas siyang gabihin dahil sa Cavite pa siya nakatira.
Kasalukuyan niyang nilalakad ang kalsada papunta sa kanilang bahay. Hindi kasi pwedeng pumasok ang mga traysikel sa kanila dahil pinagbabawalan ng homeowners ang mga pampublikong sasakyan na walang sticker. Nagiging talamak kasi ang nakawan at aksidente sa lugar.
Sa kanyang paglalakad, madadaanan niya ang isa lumang bahay na ayon sa sabi-sabi ay pinamamahayan ng mga multo. Ito ang laging pinapangambahan ni Minda tuwing uuwi siya nang madaling-araw.
Hindi man siya naniniwala sa mga multo, ayaw pa rin naman niya makakita nito ni isa. Base kasi sa mga kwento ng kanyang mga kaibigan, kapag nakakita ka ng multo ay pwede ka nitong dalawin hanggang sa iyong pagtulog.
Idagdag pa sa kanyang kilabot ang mga patay-sinding poste sa malapit. Madalas pa nga’y mamamatay na lang ang ilaw at muling liliwanag kapag nakalagpas na siya. Pakiwari niya tuloy ay pinaglalaruan siya ng mga ispirito sa naturang bahay.
Ilang dipa na lang ang layo niya mula sa bahay nang biglang…
“NGIIYYAAAWWWW!!!” Isang matinis at nakakapangilabot na huni ang pinalabas ng isang pusa. Kulay itim ang nakatayong mga balahibo nito at matalim kung makatingin ang naninilaw nitong mga mata.
Nagsitayuan na ang balahibo ni Minda sa mga oras na iyon. Halos humiwalay na rin ang puso niya sa sobrang kaba. Mabilis niyang ipinagtabuyan ang pusa pero inilabas lang nito ang matatalim na kukong nagbabadyang kumapit sa kanya.
Kahit na mahangin nang mga oras na iyon, hindi niya mapigilan ang magpawis sa sobrang takot. Nanginginig ang kanyang mga tuhod. Gusto na niyang makauwi!
Naglakad siya nang matulin ngunit parang ayaw bumilis ng kanyang paghakbang. Tila malayo-layo pa ang dapat niyang lakbayin. Hindi niya matanaw ang kanilang bahay. Nagsimula na namang magpatay-sindi ang mga ilaw ng poste.
Gusto niyang sumigaw ngunit tila natuyot ang kanyang lalamunan sa sobrang takot. Ang kanyang dila ay halos magtago na rin sa kaba. Hindi niya magawa kahit na ang umusal. Nangangatal ang kanyang labi.
Malilikot ang mga mata ni Minda habang nililibot ng tingin ang paligid. Sa tuwing mapapadaan ang kanyang mga mata sa lumang bahay, may kung anong kilabot siyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay may pares ng mga mata ang sa kanya ay nakatingin - nanlilisik, nangingilala, nagbabadya.
Mas binilisan niya ang paglalakad kumpara sa nauna - halos patakbo na. Bigla siyang nakaramdam ng kakaibang lamig na nanuot hanggang sa kanyang mga buto. Hindi normal. Nakakabalisa. Nakapagtataka.
“PSSSTTTT!” Isang sutsot ang kanyang narinig galing sa lumang bahay. Nagsitayuan muli ang mga balahibo niya dahil sa pagkakaalam niya ay wala namang tao roon. Luminga-linga siya. Walang bakas ng tao. Kanino manggagaling iyon?
“PSSSTTT!” Isa muling sutsot na sinamahan pa ng mayuming hagikhik na lalo pang nagdala ng milyong kilabot kay Minda ang sa kanya ay nanawa. Kahit anong tulin ng kanyang paglalakad ay tila hindi pa rin niya magawang makalagpas. Naluluha na siya sa takot na kanyang nadarama. Halos panawan na siya ng ulirat.
“Laro tayo,” rinig niyang sabi ng isang batang babae mula sa kanyang likuran. Parang galing sa ilalim ng lupa ang maliit nitong boses. Natigilan siya dahil dito. Nanigas ang buo niyang katawan na parang bato.
Hindi alam ni Minda kung anong gagawin. Tanging takot na lang ang tumatakbo sa kanyang isipan at kung paano makakauwi sa kanilang bahay. Unti-unti na siyang nilalamon ng kaduwagan.
“Laro tayo, Ate,” pangungulit pa ng bata sa kanya. Hindi niya magawang tingnan ang itsura ng batang babae dahil sa takot na himatayin naman siya sa makikita. Ramdam niya ang pagbaba ng temperatura ng kanyang katawan. Maging ang kanyang buong sistema ay bumabagsak na rin.
Lumakas bigla ang ihip ng hangin. Nanunuot hanggang laman ang lamig nito. Nakapangingilabot.
“Ate…” mahinang sabi nito at saka dahan-dahang hinawakan si Minda. Nakangingilo ang lamig ng palad ng bata. Humihigpit na ang hawak nito. Napapangiwi si Minda sa sakit. Kagat niya ang ibabang labi habang nagpipigil.
“MAGLARO TAYOOO!!!” Nakaririndi ang sigaw nito. Halos biyakin nito ang bungo ni Minda sa sobrang lakas. Nakakatakot. Nakabibingi.
Inilagay ni Minda ang dalawa niyang kamay sa kanyang tainga upang hindi gaanong marinig ang sigaw ng bata na patuloy sa pag-alingawngaw. Napaupo siya sa sobrang sakit nito sa tainga. Kita na ang ugat niya sa ulo na halos mapatid na. Nakakapanghina.
Ilang segundo lang, tumahimik muli ang buong paligid. Iniangat niya ang kanyang ulo at dahan-dahang nilibot ang tingin sa paligid. Wala na ang bata. Sa tingin niya ay makakauwi na siya ng matiwasay sa kanilang bahay.
Huminga siya nang malalim. Iniayos niya ang kanyang sarili at nagsimula na lang ulit maglakad na parang walang nangyari. Bago makarating sa kanilang bahay ay may intersection muna siyang lalagpasan. Madalas itong mapabalita dahil sa sunod-sunod na aksidente.
Sa kanya muling paglalakad, nakita niya ang isang bata na nakaway sa kanya sa kabilang kalsada. Nangunot naman ang kanyang noo dahil sa pagtataka. Bigla na lang nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang duguan ang bata at may nakatarak na screw driver sa ulo! Nakangiti ito sa kanya habang kumakaway.
“H-hindi! H-hindi!!” nanginginig niyang sabi. Nanaig na naman sa kanya ang takot. Hindi siya makakilos sa kanyang kinatatayuan. Napako ang kanyang mga paa.
Bigla na lang siya nagtaka nang biglang may sumulpot na tao sa tabi ng bata. Parehas ito ng kanyang suot ngunit puno ng dugo ang damit! Basag ang bungo na halos lumabas na ang utak. Bali rin ang paa at kamay nito.
Lalong nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang katabi ng bata…
ANG SARILI NIYA MISMO NA PATAY NA!
Kumaway ulit ang bata ngunit hindi tulad ng kanina - kumakaway ito bilang pamamaalam. Unti-unti na lang naglaho ang bata at ang babaeng kasama nito na kamukha niya. Naguguluhan na talaga siya nangyayari. Hindi niya alam kung ano’ng intensyon ng bata sa kanya.
Bigla na lang nagliwanag ang kanyang paningin. Nakasisilaw. Hindi niya maaninag ang daan. Ang tanging alam niya ay umaalingawngaw ang isang malakas na tunog na papalapit sa kanyang pwesto.
Pinilit niyang irehistro ang liwanag na iyon. Nanlalaki ang kanyang mga mata sa nadiskubre. Isang kotse ang humaharurot sa kinaroroonan niya! Huli na ang lahat ng mapagtanto niyang malapit na sa kanya ang kotse.
Nabangga siya nito at tumilapon sa gitna ng kalsada. Dahil hindi napansin ng drayber na may nasagasaan siya, muling nabangga si Minda at naipit ng mga gulong ng sasakyan ang kanyang payat na katawan.
Namilipit siya sa sobrang sakit. Halos impyerno ang nararamdaman niya ngayon. Parang pinipiga ang kanyang mga laman at uulitin ng maraming beses hanggang ang kanyang luha ay maging dugo. Unti-unti na ring nanilim ang kanyang paningin at tuluyan ng binawi ang kanyang buhay.
Tatlong-araw ang nakalipas ay nangalingasaw ang isang masangsang na amoy mula sa lumang bahay. Maraming usisero’t usisera ang naglipana palibot sa nasabing bahay. Napuno ng bulong-bulungan ang umagang iyon. Nakapagtataka dahil ni minsan ay wala namang nagtangkang pasukin ang bahay. Wala ring nagtatapon ng basura roon dahil sa takot na sundan ng nagmumulto sa bahay.
Tumawag ng pulis ang ilan para ipaalam ang nangyari. Mabilis namang rumesponde ang mga ito at agad na ginalugad ang buong kabahayan. Mas lumakas ang amoy ng masangsang na iyon nang buksan nila ang pinto. Masuka-suka ang ilan dahil hindi nila kinakaya ang nakapandidiring amoy.
Pigil-hininga naman ang iba at lakas-loob na pumasok sa kabila ng nakasusulasok na amoy. Laking gulat ng mga pulis nang makita ang katawan ni Minda sa loob ng bahay. Nilalangaw at inuuod na ito. Sariwa pa rin ang mga malalapot na dugo mula rito.
Agad na kinuha ang katawan ni Minda at idinala sa morgue. Dumagundong naman ang iyak ng malalapit na kamag-anak ni Minda dahil sa kanyang sinapit. Naging misteryo ang lahat dahil wala namang nakitang ebidensya na makapagtuturo sa tunay na nangyari sa dalaga.
Ang lubos na nakakapagtaka ay bakit naroon ang katawan ni Minda samantalang hindi naman ito napunta roon. Isa pa sa kanilang pinagtaka ay kung bakit nakaupo ang bangkay ng dalaga sa sofa katabi ang larawan ng isang batang babae.
Dumaan ang maraming taon at idinagdag na sa pananakot ng matatanda ang nangyari kay Minda. Dahil nga mahilig ang mga ito sa kwento-kwento, umugong ang sabi-sabi na dahil daw sa kalungkutan ng batang babae at paghahanap ng kalinga ng kapamilya ay naisipan nitong isama si Minda sa mundo nito.
Madalas daw tuwing gabi, kapag mapapagawi ka sa lumang bahay, may maririnig kang babaeng umiiyak. At kapag narinig mo na iyon, huwag mong tatangkain na lumingon dahil tiyak na aksidente ang sasapitin mo.
Jealous (Part 1)
(Ang orihinal na bersyon ng maikling storya na ito ay makikita pa rin sa aking ‘My Works.’ Sa mga interesadong makabasa, ito ang link http://www.wattpad.com/story/12172289-jealous-one-shot-story)
“Alam mo bang masarap pala ang pumatay?”
“Bakit mo siya napatay?” tanong ng lalaking nakasuot ng puti kay April na sa tingin niya ay isang doktor. Isang mahabang lamesa lang ang naghihiwalay sa kanilang dalawa. Nakakabingi ang tahimik na namamagitan sa kanila.
Hindi alintana ni April ang doktor na nasa kanyang harapan. Nanatili siyang nakayuko at tahimik. “Uulitin ko ang tanong ko. Bakit mo siya napatay?” pag-uulit ng doktor ng kanyang tanong.
Humarap si April sa lalaki mula sa pagkakayuko. Blanko ang mukha nito nang humarap.
“Dahil sa selos,” maikli niyang sagot pero may diin.
Bagong kasal pa lamang no’n sina April at Joel, mga anim na buwan palang ang nakalilipas. Pareho silang may trabaho kaya’t naging maayos naman ang kanilang buhay. Masaya silang nagsasamang dalawa at hindi kakikitaan ng problema.
Kasalukuyang naka-maternaty leave si April dahil sa limang buwan niyang pagbubuntis. Pakiramdam niya ay napakswerte niya kay Joel dahil may isang tao ang nagpahalaga sa kanya sa kabila ng bangungot na kanyang dinanas nang siya ay bata pa.
“Ikaw ang magiging pinakagwapong baby sa buong mundo,” wika ni Joel habang hinihimas ang bilugang tiyan ni April.
Nakangiti naman ang si April at pinakiramdaman ang paghimas ni Joel sa kanyang tiyan. “Syempre gwapo talaga ang anak natin. Saan pa ba magmamana?” saad ni April sabay binigyan ng malaking ngiti si Joel.
"Kanino pa nga ba?" pagmamalaki nito. Nagsitawanan sila pareho dahil sa kalokohang naisip.
“O sige. Mauuna na ako. Baka mahuli pa ako sa trabaho. Mag-iingat kayo ni baby, okay?” Bago umalis ay nag-iwan ng isang matamis na halik si April sa asawa. Agad namang dumiretso si Joel sa kanyang sasakyan at saka kumaway sa naghihintay niyang asawa sa labas ng bahay bilang pamamaalam.
Hinintay na lamang ni April na mawala sa kanyang paningin ang umaalis na sasakyan ng asawa bago bumalik sa loob ng bahay.
“Wala na si Daddy mo. Tayo na lang ang naiwan ulit baby dito sa bahay,” aniya sa sarili habang patuloy sa paghimas ng tiyan.
Dumiretso si April sa sala upang manuod ng telebisyon. Kinuha niya ang nakapatong na baso ng tubig sabay ininom. Inihilig niya ang sarili sa malambot na sofa at saka ini-relax ang buong katawan.
“Ayon sa ulat, minolestya raw ang dalagita ng kanyang sariling ama. Ang kanyang ina naman ay ibinebenta siya sa iba’t-ibang lalaki. Kasalukuyan ng dinadakip ang mga magulang ng kawawang dalagita. Ididiretso muna siya sa pangangalaga ng DSWD upang mabantayan,” rinig niyang sabi sa ulat.
Hindi namalayan ni April ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mga mata. Hindi pa rin niya makalimutan ang kawawang sinapit niya noong bata pa siya. Naninikip ang kanyang buong dibdib na parang may kung anong bagay na bumabara.
Agad siyang nagtungo sa banyo at doon ay nagmukmok ng sandali. Pinagmasdan niya sa salamin ang kanyang sariling repleksyon. Nanginginig ang kanyang buong katawan sa takot. Tila bumabalik ang kanyang bangungot at muli siyang nilalamon.
“Ayaw ko ng bumalik sa dati! Wala na ang dating ako! Gusto ko ng bagong buhay!” patuloy niyang sigaw sa harap ng salamin. Panay siya sa pagsabunot sa sarili habang inuumpog ang ulo sa pader. Masakit pero ayos lang. Kagat lang ito ng langgam kumpara sa tunay niyang dinanas noon.
Nang mapagod ay umupo siya sa isang tabi habang hawak-hawak ang ulo. Ramdam niya pa rin ang pag-agos ng kanyang mga luha.
“Hayop… Hayop…” mahihina niyang sambit ngunit may diin sa dulo. Umupo siya tabi, hawak-hawak ang ulo. Masama ang kanyang mga titig.
Ginabi ng uwi mula sa trabaho si Joel dahil sa tambak na trabaho. Kanina pa siya aligaga sa pag-uwi dahil mag-isa lang ang kanyang asawa sa kanilang bahay. Nang makarating ay agad niyang ipinarada ang sasakyan sa tapat ng bahay. Napansin niyang patay ang lahat ng ilaw sa loob.
Biglang sumagi sa isipan niya si April. Mag-isa lang ito sa bahay!
Dali-dali siyang nagtungo sa pintuan at mahigpit na hinawakan ang seradura. Nang mabuksan ang pinto, tila naglalaro si Joel ng tago-taguan sa dilim. Binuksan niya ang ilaw at ginalugad ng tingin ang buong bahay. Wala siyang nakitang bakas ni April.
Mabilis ang kanyang naging pagkilos. Isa-isa niyang pinuntahan ang bawat kwarto sa bahay. “APRIL! APRIL!” patuloy niyang sigaw sa gitna ng paghahanap.
Huli niyang pinasok ang kanilang kwarto. Mula roon ay kita niya ang maliit na siwang ng pinto mula sa banyo. Pinakiramdaman niya ang paligid, hinihiling na sana ay walang nangyaring masama. Marahan niyang binuksan ang pinto.
Nanlalaki ang mata niya nang madatnan niya sa loob si April, walang malay at nakahandusay! Pinilit niya itong gisingin.
“April! Gumising ka! April!” paulit-ulit niyang sigaw. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring masama.
Maya-maya lang ay nagmulat ito ng mata. Nang magising ito, nakaramdam si Joel ng kakaiba… kakaiba mula sa mga titig nito. Ipinagsawalang-bahala na lang niya iyon at minabuting buhatin ang asawa papunta sa kama.
“Ano bang nangyari sayo ha? Nag-aalala ako sayo,” saad ni Joel habang hinahaplos ang buhok ng asawa. Bakas sa mukha niya ang sobrang pag-aalala dahil na rin siguro na maaaring dalawang tao ang mawala sa kanya kapag may nangyaring masama.
“H’wag mo na akong alalahanin. Magpahinga ka na,” walang emosyon nitong sabi.
Nangunot ng noo si Joel nang marinig ang sinabi ng asawa. Tila malamig na hangin ang namamagitan sa kanila. Nakararamdam talaga siya ng kakaiba sa asawa. Hindi niya masabi kung ano at bakit. Ibang-iba ito sa nakasanayan niyang April.
“Bukas, pupunta tayo sa ospital. Matulog ka na rin,” aniya sabay halik sa noo nito.
Tila isang normal na umaga ang nangyari kinabukasan. Makikita mo na parang walang nangyari kagabi. Nawala ang paghihinala niya na naramdaman kagabi. Bumungad kay Joel ang kanyang asawa na naghahanda ng almusal. Nangunot na naman ang kanyang noo.
“Magandang umaga sa iyo. Pinaghanda na kita ng makakain,” wika ni April saka binigyan ng masayang ngiti ang asawa. Ngumiti naman siya pabalik.
Napaupo na lamang si Joel sa harap ng lamesa at nagsimula ng kumain ng almusal. Inanyayahan niya ang asawa na maupo na rin at sabay silang kumain ng almusal.
“Hon, anong oras ka pala umuwi kagabi?” biglang tanong ni April habang hinahalo ang barakong kape sa kanyang harapan.
“Alas-diyes,” tugon ni Joel. Nagkaroon muna ng sandaling katahimikan bago siya ulit nagsalita. “Maiba pala ako, ayos ka lang ba? Wala ka bang nararamdamang iba, masakit something like that?” Sabay tingin sa asawa.
“Wala naman. Bakit?” pagtataka ng kanyang asawa.
“Wala. Wala. H’wag mo na lang intindihin. Kumain ka na lang d’yan. Kailangan niyo iyan ni baby,” aniya. Napapailing na lang siya sa tuwing maaalala ang nangyari kagabi. Ayos lang ba talaga siya? Nakakapagtaka na hindi man lang nito pansin ang nangyari.
Matapos kumain ay dumiretso na rin sa trabaho niya si Joel. Pinaalalahanan niya ito na mag-iingat at saka siniil ng halik ang asawa.
Naiwang mag-isa na naman si April sa bahay. Tila bumalik na naman ang nangyari kagabi. Nagkulong siya sa kanilang kwarto. Umupo siya sa harap ng salamin at saka tinignan nang mabuti ang sarili sa repleksyon.
“Hindi lang ako ang mahal ni Joel. Alam kong nagtataksil siya sa akin. Alam ko… Buntis din siya tulad ko. Walang pwedeng umagaw sa asawa ko. Papatayin ko siya at ang anak niya,” wika ni April sa kanyang sarili.
Jealous (Part 2)
Pag-uwi ni Joel, naabutan na naman niyang patay ang lahat ng ilaw sa buong bahay. Kinabahan na naman siya para sa kanyang asawa. Agad siyang nagtungo sa kanilang kwarto. Pigil ang kanyang paghinga pero nakakatwa na tahimik na natutulog lang doon ang kanyang asawa.
Walang anumang bakas ng panganib. Matiwasay. Tahimik. Doon lamang siya nakahinga nang maluwag.
“Mabuti naman at ayos lang siya,” aniya. Lumapit siya sa natutulog na asawa at naupo sa tabi ng kanilang kama. Hinaplos niya ang buhok ng asawa. Hindi niya lubos maisip kung ano ba ang nangyayari sa kanyang asawa.
"Ayos ka lang ba talaga? Natatakot ako na baka ano na nangyayari sa 'yo," saad niya pero nanatiling tulog pa rin si April.
Maya-maya'y bigla niyang narinig na tumunog ang telepono sa sala. Tiningnan niya muna ang kalagayan ng asawa kung maaari niya itong iwan. Nang masiguro ay dali-dali siyang bumaba upang sagutin ang telepono.
“Hello?” panimula niya.
“Si April po ba ’to?” tanong sa kabilang linya. Boses ng isang lalaki.
“Hindi po, si Joel ito, asawa niya. Kasalukuyan kasing natutulog ang asawa ko. Ano po bang maipaglilingkod namin sa inyo?” magalang na tanong ni Joel.
“Aahh. Ako po kasi ’yong doktor ni April. Matagal na rin po kasi mula ng bumalik siya rito sa clinic. Gusto ko lang po sana tanungin kung okay lang siya. Kailangan ko kasi siya ma-diagnose kung bumubuti na ba ang lagay niya,” pagpapaliwanag ng doktor.
Nangunot ang noo ni Joel. Walang nasabi sa kanya si April tungkol dito. Sa pagkakaalala niya kasi, ang doktor ni April ay isang babae dahil nga ito ay buntis.
“Hindi po ’to nabanggit sa’kin ng asawa ko,” pagtataka ni Joel.
Nakarinig siya bigla ng mahihinang kaluskos sa loob ng bahay. Lumingon siya sandali at pinagmasdan ang buong bahay saka ibinalik ang atensyon sa telepono nang walang mapansin na kung ano pa man. “Sino po ba ’to?” tanong niya.
“Si Dr. Albert Cayag ’to. Psychologist,” sagot nito.
“Psychologist?” pagtatakang muli ni Joel. Hindi niya maisip kung para sa’n ang isang psychologist samantalang normal naman ang kanyang asawa at wala namang dinaramdam. Hindi kaya dahil ito sa kanyang nakaraan? Bago pa man kasi sila ikasal ay may ikwinento na si April sa kanyang pagkabata. Ang hindi lang lubos maisip ni Joel ay kung bakit nagawang ilihim ni April ang kanyang pagpapagamot.
“Opo. Ang asawa niyo po ay mayroong sakit na-” Biglang naputol ang linya ng telepono.
“Hello? Hello?!” Sa sobrang inis ay binalibag niyang pabalik ang telepono. Malapit na niya sana malaman ang totoo. Marahil ito ang makasasagot sa sitwasyon ngayon ng kanyang asawa.
“Sino ’yang kausap mo?” Nagitla siya nang marinig na magsalita ang kanyang asawa sa kanyang likuran. Pahawak naman siya sa kanyang dibdib dahil sa sobrang pagkabigla.
“Ahh. W-wala ’to. B-bakit pala nagising ka?” pagtatanong ni Joel para malihis ang paksa pero kakikitaan ng kaba sa bawat bigkas ng salita.
“May ibibigay sana ako sa ’yo,” sagot ni April habang parehong nasa likod ang kamay.
“Ano?” nag-aabang na tanong ni Joel.
“Ito oh!” Inilabas ni April ang isang makapal na kahoy at saka ipinukpok sa ulo ni Joel. Bumulagta sa sahig si Joel dahil sa sobrang sakit. Tumagas mula sa kanyang ulo ang napakaraming sariwang dugo. Naramdaman niya ang paninilim ng paligid at saka siya nawalan ng malay.
Nagising si Joel sa isang kwarto na tanging ang liwanag ay nagmumula sa isang light bulb sa kanyang ulunan. Pinakiramdaman niya ang buong katawan. Nakagapos ang kanyang mga kamay at paa sa isang upuan. Pinilit niyang makaalis pero hindi niya magawa dahil sa sobrang higpit.
“April?” kinakabahan niyang tanong nang mula sa kadiliman ay naaninag niya ang isang silweta.
Dahan-dahang lumalapit sa kanya ang silweta at biglang lumiwanag. “Nagising ka na rin. H’wag mong sabihin sa ’kin na nagtataka ka kung bakit ka nasa ganyang posisyon,” wika ni April.
“Kalagan mo ako! Nahihibang ka na ba?!” maawtoridad na sabi ni Joel.
Ngumisi lang si April na kinainisan niya. Wala na marahil sa sarili ang kanyang asawa. “Bakit kita kakalagan? Matapos ang panloloko mo sa ’kin? Bago ka pala magmukmok d’yan, kasama ko ang kabit mo!” pasigaw nitong sabi.
Nangunot lang ng noo si Joel. Nahihibang na talaga ang kanyang asawa. Wala siyang nakikitang ibang tao maliban sa kanila. “Ano bang pinagsasabi mo? Tayong dalawa lang ang nasa loob ng kwartong ’to! Kalagan mo na ’ko! Pwede ba?!”
Pero tila matigas si April, hindi nito iniinda ang pagsusumamo ng kanyang asawa. Kahit anong pilit na utos ni Joel ay nananatiling nakatayo lang ang kanyang asawa.
“Huwag mo akong pinaglololoko, Joel! Nakita kita! Maraming beses na! Kasama mo ang kabit mo! Simula palang nang magkita tayo, niloloko mo na ako! Kahit noong ikinasal tayo, kasama siya sa kasal! Huwag mo ring itatanggi na buntis siya, Joel! Kitang kita ng dalawa kong mga mata na buntis siya tulad ko!” pasigaw nitong sabi. Naghihimutok na sa galit si April.
“Hindi kita maintindihan! Ano bang pinagsasabi mo?! Wala ka na sa katinuan mo! Hindi ikaw ang asawang pinakasalan ko!” Sabay dura sa asawa!
Lumapit si April at saka binigyan ng malakas na sampal si Joel. Halos matumba mula sa kinakaupuan niya si Joel sa lakas ng pwersang natanggap.
“Minahal kita pero niloko mo ako! At makikita mo ang paghihiganti ko!” sigaw ni April. “Uunahin ko na ang kabit mo!” Kinuha nito ang patalim mula sa kanyang bewang at saka itinutok sa sariling tiyan.
Nanlalaki ang mga mata ni Joel dahil sa pagkabigla. Hindi niya kayang makita ang asawa na sinasaktan nito ang sarili. Gusto niyang tumakbo papalapit dito pero kulang siya sa lakas para magawa iyon. Naluluha na siya sa nangyayari.
Doon lamang napagtanto ni Joel na ang tinutukoy na kabit ni April ay siya rin mismo. Ito siguro ang tinutukoy na sakit ng psychologist ni April.
“Huminahon ka, April! Mahal na mahal kita! Huwag mong gawin ’yan!” pigil ni Joel. Natigilan sandali si April sa sinabi ng asawa. Agad na tumagas ang mga luha sa kanyang mga mata. Naramdaman siguro nito ang sensiridad sa mga binitawang salita ni Joel. Dahan-dahan siyang lumapit sa asawa.
“Joel…” Niyakap niya ito AT SAKA IBINAON ANG PATALIM SA TIYAN NI JOEL!
Tumagas ang maraming dugo mula sa tiyan niya. Napangiwi si Joel habang dahan-dahan ay binabawi ni April ang kutsilyo. Napakasakit. Halos pinupunit nito ang buo niyang pagkatao. Pinakiramdaman niya ang parteng nasaksak, halos magmanhid iyon dahil sa kirot.
Dahil sa hindi pa makuntento si April, muli nitong iniangat ang kutsilyo at saka sinaksak ng ilang beses ang bungo ni Joel hanggang sa bumulwak ang utak nito. Tuluyan ng nalagutan ng hininga ang kanyang asawa. Nagawa pa nitong dukutin ang mga mata ni Joel.
“Hindi mo na ako maloloko, mahal kong asawa,” nakangiti niyang sabi.
Itinaas niya ang patalim at bigla ay itinarak sa kanyang tiyan. Umagos ang napakaraming sariwang dugo mula rito. Pinilit niyang binuksan ang tiyan at hinugot ang isang bagay mula roon. Baon na baon ang kamay niya sa t’yan.
Nakakangiwi. Napakasakit pero kailangang tiisin. Mula roon, nakuha niya ang isang fetus.
“Ikaw ang bunga ng kataksilan ng asawa ko! Dapat lang sa ’yo ay mamatay!”
Inilaglag niya ito sabay inapakan. Pinisa niya hanggang sa magkadurog-durog. Wala siyang pakialam kung makapatay siya. Ayaw niya na natatapakan ang kanyang pagkababae - na niloloko siya, ginagamit. Sawa na siya. Kailangan niyang lumaban para sa sarili.
“Ako lang dapat at ang anak namin ni Joel ang dapat na mabuhay,” nakangiti niyang sabi.
Dahil sa maraming nawalang dugo sa kanya, agad din siyang nawalan ng malay. Hindi kinaya ng kanyang katawan ang nangyari.
Pinakiramdaman ni April ang bagong tahi sa kanyang tiyan. Napapangiti na lang siya nang bigla niyang maalala ang pagpatay niya sa kanyang asawa at kabit nito. Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata at malalim na bumuntong-hininga.
“Sige, aalis na ako,” ani Dr. Cayag. Umalis na ang doctor at naiwan sa ganoong sitwasyon si April. Nakasalubong nito ang nars na nag-aalaga kay April nang palabas ng kwarto.
“Mag-iingat ka sa kanya. May Dissociative Identity Disorder at Pathological jealousy ang pasyenteng ’yan. Sa tingin ko, dahil ’yon sa kabataan niya. 15 years ko na rin siyang ginagamot mula ng gahasain siya ng kanyang sariling ama at gawing bayaran ng kanyang ina,” kwento ng doktor.
Nakaramdam ng kilabot sa kanyang katawan ang nars. Hindi biro ang magiging pasyente niya ngayon. “Ganun po ba?” maikling tugon niya.
“O siya! Sige, mauna na ako. Mag-iingat ka dahil nakapatay na ’yan,” bilin ni Dr. Cayag bago umalis.
Nanigas ang mga paa ng nars mula sa kanyang kinatatayuan dahil sa huling sinabi ng doktor. Pinagmasdan niya si April nang makapasok. Tahimik lang ito na nakaupo sa kanyang silya, nakayuko at hinihimas ang tiyan. Malayo sa deskripsyon ng doctor.
Dahan-dahan siyang lumalapit sa pasyente.. Inilapag niyang nangangatog ang bitbit na tray ng pagkain. Kailangan niyang magpakatatag dahil ito ang napili niyang propesyon.
“Alam mo bang masarap pala ang pumatay?”
Nanlambot ang mga tuhod niya nang marinig ang mga salitang ’yon. Namamawis siya kahit na malamig sa pasilyo. Lumingon siya sa kinauupuan ni April. Wala ito roon maging ang kanyang upuan.
“N-nasaan na siya?” nagtataka niyang sabi. Lalo pa siyang kinabahan.
Pagharap niya sa kanyang likod, nakangising nakatingin sa kanya si April hawak hawak ang silya nito.
“Alam mo bang kamukha mo ang asawa ko?” nakakapangilabot na sabi ni April at saka malakas na inihampas ang silya na nagpataob sa nars.
Tumagas mula rito ang maraming dugo. Paulit-ulit pa niyang pinukpok ito hanggang sa mapirat ang bungo. Kagaya ng ginawa niya sa kanyang asawa.
Doppelganger
Sabi nila, wala raw tayong katulad. Marahil ay may pagkakahalintulad sa iba pero hindi makokopya tulad ng sa orihinal. Pero tila yata’y may isang pagkakataon na nagaya ang isa sa mga kaibigan ko, gayang-gaya na animo’y siya mismo.
Ngunit nang makita ko rin ang kanyang kamukha ay siya rin palang huling beses na makakasama ko siya. Masamang senyales kaya ito o isang malagim na pagpapahiwatig?
Parehas kaming nasa huling taon ni Jenny sa kolehiyo. Parehas din ang kinuha naming kurso na Human Resource Development Management. Madalas ay kami ang magkasama sa hirap at ginhawa. Walang pagkakataon na hindi namin kinakaya nang magkasama. Kaya madalas ay napagkakamalan kaming magkasintahan. Kumbaga, wala ako kung wala siya.
"Carlo, daan ka sa bahay mamayang gabi," alok niya sa akin habang nasa canteen kami. May isang oras kasi kaming break, at madalas dito sa canteen namin inuubos ang oras na 'yon. Nakaupo siya sa tapat ko hawak-hawak ang burger at softdrinks.
Nagtaas ako ng kilay. "Nag-iba 'ata ang ihip ng hangin at first time mo akong inaya. Sa tagal nating magkaibigan, minsan ako pa ang namimilit para lang makapunta sa bahay niyo. Dahil ba sa burger na kinakain mo ang dahilan?!" natatawa kong sabi.
Napatingin siya sa kinakain at saka natawa. Halos maibuga pa niya ang natitirang piraso ng burger buns sa kanyang bibig. "Baliw ka talaga. May ibibigay lang sana ako sa 'yo," aniya at saka humigop sa softdrinks na nasa kanyang tabi.
"Talaga naman, oh! Kinukutuban talaga ako ng masama. Dahil ba talaga sa burger, kaya ka nagkakaganyan?!" sarkastiko kong sabi. "Una, inanyayahan mo ako tapos ngayon, may ibibigay ka pa?! Iba ang bagsik ng burger na 'yan! Magkano ba 'yan? Ibibili pa kita! Baka sakaling ilibre mo na ako ng kotse."
Sinamaan niya ako ng tingin at saka nangingisi. Umamba pa siya na ibabato ang burger kaya nag-iwas ako ng kamay. "Seryoso na kasi," pagmamaktol niya.
"Bakit ba kailangan ko pang dumaan sa bahay niyo? P'wede namang ibigay mo na lang dito," suhestyon ko.
Napaisip siya sa sinabi ko. Natigilan siya sandali at saka nagsimula muli. "Siguro kasi, gusto kong espesyal ang paraan ng pagbigay ko," aniya at saka nagtataas-taas ng kilay.
Humalukipkip ako at tiningnan siya. "Okay fine. Basta lilibre mo ako ng pagkain," hiling ko at sinabayan siya sa pagtataas-taas ng kilay.
"Sige. Mamayang alas-otso ng gabi, ah. Aasahan kita. Hindi na kita susunduin, ah. Hindi ka naman babae," wika niya at saka inubos na ang hawak-hawak na burger. Malapit na rin kasi matapos ang isang oras na break.
Hindi ko inaasahan na 'yong na pala ang huling isang oras na magkakasama kaming kumain, nagkukwentuhan, nagkukulitan.
Sana inagahan ko ang pagpunta sa kanila. Sana hindi siya napahamak. Sana nakasama ko pa siya sa graduation. Kaso huli na ang lahat. Patay na siya nang nadatnan ko. Ang laki tuloy ng pagsisisi ko.
Kinagabihan, ala-sais mula sa nakasabit na orasan, hindi pa rin ako naalis ng bahay. Pakiramdam ko kasi ay masyado pang maaga. Wala pa rin naman akong natatanggap na mensahe kay Jenny na pinapaalis na niya ako ng bahay.
Isang oras din kasi ang aabutin, makarating lang sa bahay nila. Maya-maya lang ay nagtext na siya. Maaari na raw akong pumunta sa kanila kahit na mas maaga pa sa alas-otso.
Mabilis akong lumabas ng bahay pero parang nakaramdam ako ng kakaiba. Tila naulit na ang senaryong ito, kung saan ay nagmamadali ako palabas ng bahay at... Hindi ko na gaanong maalala ang kasunod.
Deja vu.
Iwinaglit ko na lang ang naisip at pinagpatuloy ang naudlot na paglalakad. Pero ang kaba ko, naroroon pa rin, nanatili sa kahabaan ng pagbiyahe.
Bali tatlong sakay ang ginawa ko papunta sa kanila. Looban kasi kami at maging sila pero tila yata'y napakamalas ko, wala akong makitang traysikel na nagdaraan sa kalsada. Nag-abang pa ako ng ilang minuto pero wala pa rin, malinis ang buong kalsada.
Malapit lang naman talaga ang bahay nila Jenny kung tutuusin, nakakatakot lang dumaan tuwing gabi dahil bilang lang ang poste na mayroon sila. Halos isang poste kada kalsada kaya tiyak na madilim.
Isa pa sa kinatatakutan ko sa tutuwing pupunta ako sa kanila ay ang matataas na talahiban sa bungad na ayon sa kwento ni Jenny ay marami ng nangyaring kababalaghan. Minsan pa nga raw ay magugulat ka na lang na may nagalaw sa talahiban at biglang susulpot na nakagapang. Tampulan tuloy ang lugar ng mga kwentong katatakutan.
Kinilabutan ako bigla nang maalala ang bagay na 'yon. Tanging tunog ng mga kuliglig sa gabi ang maririnig.
Habang naglalakad, sumulyap ako sa aking cellphone, nakapagtataka na wala pang text si Jenny samantalang lagi naman niya akong tinatanong kung nasaan na ako. May nangyari kaya sa kanya?
Nang malapit na akong makalagpas sa talahiban ay may napansin akong tao sa bandang dulo, paliko sa unang kalye – isang babae na may bitbit na paper bag.
Si Jenny!
Binilisan ko ang paglalakad kasabay ang pagtawag sa kanyang pangalan.
"Jenny! Jenny! Jenny!" patuloy kong sigaw. Nakaharap siya sa kabilang kalye – papaling sa akin. Hindi siya nalingon kahit anong gawin kong sigaw. Hindi ko tuloy mawari kung nagbibingi-bingihan lang ba siya o sadyang hindi lang niya ako naririnig.
Dahan-dahan akong humihinto sa paglalakad. Tiningnan ko siya nang mabuti. Tila may mali, kakaiba. Ang suot niyang damit ay puno ng mantsa...
Mantsa ng dugo.
Nanlalaki ang mata ko. Hindi ko siya magawang lapitan dahil sa takot. Para akong naninigas na bato sa ilalim ng poste.
Maya-maya lang ay nagsimula na siyang maglakad paliko. Tiningnan ko lang siya hanggang sa mawala sa aking paningin. Ano bang nangyayari? Hindi ko alam pero tumakbo ako kaagad at hinanap siya pero mabilis siyang nakapunta sa kabilang dulo ulit ng kalye.
Si Jenny ba talaga 'yon? Hindi naman ako pwedeng magkamali. Kamukhang-kamukha niya at kaparehas pa ng kanyang damit.
Nagulat ako nang tumingin siya sa akin. Walang emosyon ang kanyang mukha. Parang wala siya sa sarili kung ilalarawan.
"Jenny..." mahina kong sabi, sapat lang para marinig niya.
Nag-angat siya ng kamay na tila pinapalapit ako sa kanya. Agad namang sumunod ang mga paa ko na tila may pwersang pumipilit dito upang lumapit. Nakatingin lang ako sa blangko niyang mukha.
Lumuluha siya. Pero bakit? Punong-puno na ng katanungan ang utak ko.
Halos malapit na ako sa kanya nang bigla ay isang malakas na busina ng sasakyan ang narinig ko. Parang isang kisap-mata lang, ang Jenny na kaharap ko ay naglaho.
Natigilan ako. Nanigas. Nagulantang. Nabigla.
Hindi ko mahanap ang pakiramdam ko. Nagulat ako sa mabilis na pangyayari. Hindi ko maigalaw ang mga binti ko pero iisang bagay agad ang pumasok sa isip ko.
“Jenny!” sigaw ko.
Hinanap ko siya sa buong kalsada pero hindi ko makita ang kanyang katawan. Ginalugad ko ng tingin ang buong paligid pero wala siya. Pinaikutan ko na ng tingin ang buong kalye pero hindi ko pa rin siya makita. Saan naman kaya mapupunta ang kanyang katawan?
Hindi ko namalayan na isa-isa na palang bumabagsak ang aking mga luha. Kahit hindi ko pa nakikita si Jenny, hindi ko maiwasan ang matakot. Hiling ko lang na sana ay ligtas siya.
Ilang minuto pa akong naghanap pero wala talaga. Panandalian akong nakahinga nang maluwag. Mabuti na lang ay isang bangungot, habang mulat ang mga mata ko, ang nangyari. Positibo pa rin ang pananaw ko hanggang sa makarating ako sa bahay nila Jenny.
Pero mabilis lang ding nagbago.
Nadatnan ko ang bahay nila na may ambulansya sa tapat at mga usisero na nakapalibot dito. Rinig ko rin ang panaghoy na iyak ng kanyang mga magulang kausap ang mga pulis.
Para akong winasak, dali-dali akong tumakbo patungo sa ambulansya pero mabilis nila akong pinigilan. Isang bangkay ang ipinapasok nila sa loob nito na natatakluban ng puting tela.
“Sir, bawal po dito,” ani ng isang humaharang sa akin.
Para akong naubusan ng lakas, hindi na ako makapalag. Bumagsak ang mga tuhod ko dahil sa panghihina. Naiintindihan ko na ang lahat. Bakit? Bakit ngayon pa?
Naibuhos ko na ang lahat ng luha ko. Ang sakit na ng dibdib ko na parang may kakawala na anumang bagay. Bumibigat na ang pakiramdam ko.
Si Jenny… Bakit nawala siya bigla?
Naalala ko bigla ang nangyari kanina. Isa lamang ba ’yong aparisyon? Huli na ba talaga ako? Nabuo sa isip ko ang kaninang naramdaman ko na tila déjà vu. Malinaw na sa akin na isa ’yong panaginip kung saan namatay rin si Jenny. Marahil ay hindi ko lang naalala dahil mabilis ko ring iwinaksi aking isipan.
Iyak lang ako nang iyak sa tapat ng ambulansya. Wala akong magawa. Wala na akong sapat na lakas para ibangon ang sarili ko. Para akong naubusan ng pangarap.
Maya-maya lang ay naramdaman ko ang paglapat ng isang kamay sa aking balikat. Tumingala ako at nakita ko ang lumuluhang mukha ng kanyang mga magulang.
“Wala na si Jenny. Nabangga siya kanina,” anito.
Nakangiti sila sa akin. Matapos ’yon ay sumenyas sila na samahan ko sila sa loob ng bahay. Hudyat na rin iyon na maaari ng makaalis ang ambulansya. Kasabay ng pag-alis ay ang pagpasok namin sa kanilang bahay.
“Pumasok ka sa kwarto niya,” ani Tita. Tumango lang ako pero naguguluhan sa nangyayari. Umakyat ako sa hagdan at marahang lumapit sa pintuan ng kanyang kwarto.
Unti-unti kong binubuksan ang pinto. Agad namang bumuhos ang natitira ko pang luha. Alam ko na ang madadatnan ko, puro larawan naming magkasama na nakapaskil sa bawat dingding – mga larawan ng sandaling kami ay masaya.
Napadako ang tingin ko sa kama. May isang regalo na nakapatong roon. Lumapit ako roon at binasa ang nakasulat.
“Carlo.”
Napapangiti na lang ako habang inaalala ang mga magagandang sandali naming magkasama. Nakakatanga lang talaga ng tadhana at mabilis siyang binawi sa amin. Nagpakawala ako ng malalim na hininga.
Kung kailan mahal ko na siya, doon pa siya nawala.
Dumaan na ang isang taon, graduate na ako at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang kompanya sa Makati. Ipinagpatuloy ko ang naudlot na pangarap namin ni Jenny, ang makapagtrabaho sa isang magandang kompanya at kumita sa sarili naming sikap.
“Una na ako, Carlo,” pamamaalam ng katrabaho kong si Brian.
Tumango ako sa kanya at saka ngumiti. “Mag-iingat ka,” bilin ko.
Ilang saglit lang matapos niya kunin ang kanyang gamit ay lumabas na rin siya ng aming station. Naiinggit ako sa kanya dahil maaga siyang makauuwi samantalang ako, heto, nakatingin pa rin sa aking monitor, tinatapos ang dapat ay nakaraan pang linggong gawain.
Ala-sais na ng gabi at medyo inaantok na rin ako. Pumunta muna ako sa pantry upang makapagtimpla ng kape nang sa gayon ay medyo mabawasan ang antok ko. Marahil ay magiging mahaba-haba ang gabi ko.
Pagkalabas ko ay nakita ko ulit si Brian, nakatingin lang sa malayo at blangko ang mukha.
“Akala ko ba pauwi na siya,” saad ko sa sarili.
Tiningnan ko pa siya pero tila yata’y hindi siya nagalaw sa kanyang pwesto. Sinubukan ko siyang tawagin pero hindi siya lumilingon. “Brian!” sigaw ko ulit.
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. Kasabay ng aking paglapit ay ang pagsisimula rin niyang paglalakad. Sinundan ko siya palabas pero tumigil siya sa terrace sa likod ng gusali.
“Brian…” mahina kong sambit.
Nagulat ako nang bigla ay ipatong niya ang kanyang paa sa pader at tumayo na parang tatalon. Natigilan ako bigla at naibagsak ang hawak kong kape.
“Brian, h’wag kang tatalon!” pigil ko sa kanya. Bigla siyang humarap sa akin at nakita kong puro mantsa ng dugo ang kanyang long sleeve na suot.
Ilang segundo lang ay tumalon na siya mula sa ikalimang palapag ng gusali. Mabilis akong sumilip sa ibaba pero tila may kakaiba na naman. Nadatnan kong nagkakagulo ang mga tao sa ibaba at may nakahanda ng ambulansya.
Bumalik na naman sa aking alaala ang lahat, ang tungkol kay Jenny. Ganitong-ganito rin iyon. Laging nagpapakita ang tila kanilang kakambal.
Marahil ay paraan ito ng pamamaalam ng mga taong mahahalaga sa akin.
Children’s Party
CHILDREN’S PARTY
Sabi nila, nakapagbibigay ng aliw sa mga bata ang mga payaso dahil sa kanilang itsura. Hindi maipaliwanag na kaligayahan ang nadudulot nila sa mga bata, ngiti na minsan ay abot tainga. Kasiyahan daw ang sinisisimbolo ng mga ito.
Pero ibahin niyo ako, hindi lahat ng payaso ay nakatutuwang tingnan. Dahil sa likod ng puting mukha at pulang ilong nila ay isang nagkukubling mabangis na hayop na handa kang lapain sa t’wing sila ay gutom.
Umaga ng Mayo, dumaan sa bahay namin si Andrei para ihatid ang isang liham. Nakatutuwang makita roon ang kanyang mukha at ilang detalye sa likod nito na hindi ko alam kung para saan.
“Magandang umaga, Andrei,” bati ni Nanay Wendy na siyang nagbukas ng pinto habang nasa tabi ako.
Kumaway muna sa akin si Andrei at saka bumaling kay Nanay. “Magandang umaga rin po, Aling Wendy,” tugon niya. “Ipinaaabot po pala ito ni Mommy. Para po ito sa kaarawan ko na gaganapin sa Linggo,” paliwanag niya at saka iniabot ang liham.
Kinuha iyon ni Nanay. Mariin ko lang tinitigan at inisip kung ano ang laman ng liham.
“Punta ka Ren sa birthday ko, ah. Maraming pagkain kaming inihanda at saka may payaso rin,” masayang turan niya. Napaisip naman ako tungkol sa huli niyang sinabi.
Hindi pa kasi ako nakakakita ng payaso sa tanang buhay ko. Siguro ay nakakatwang tingnan ’yon dahil imbitado ’yon sa kaarawan ni Andrei at nag-abala pa siyang ipaalam sa akin.
“Oh, sige. Mauuna na po ako, Aling Wendy at Ren. Aasahaan ko po ang pagdalo niyo,” aniya at saka umalis na rin.
Matapos ’yon ay iniabot ni Nanay Wendy ang liham sa akin. Dali-dali ko namang binuksan ’yon dahil sa kuryosidad. Mula sa loob, nakita ko ang isang papel na naglalaman ng mga detalye tungkol sa gaganaping selebrasyon sa Linggo.
“Sa hapon po pala gaganapin ang kaarawan ni Andrei,” untag ko.
“Maganda na rin ’yon para hindi gaanong mainit. At kung gagabihin man kayo ay ayos lang dahil malapit lang naman kaya nakasisigurado akong ligtas ka,” ani Nanay Wendy.
Napakunot noo naman ako. “Hindi niyo po ba ako sasamahan?” takang sabi ko.
“Children’s party ’yon. Mahirap na at baka makagulo lang kaming matatanda sa kasiyahan niyo. Ihahatid na lamang kita roon,” paliwanag pa niya at saka dumako na sa kusina para magluto.
Naalala ko bigla ang sinabi ni Andrei tungkol sa payaso. Unang beses ko palang makakakita noon kapag nagkataon. Ngayon lang din kasi ako nagkaroon ng pagkakataon na maanyayahan sa isang selebrasyon ng kaarawan kaya wala akong ideya sa mga payaso. Madalas kasi ay ihahatid na lang sa amin ang mga handa dahil magiging malaking abala pa raw kung gagawa sila ng party.
“Nay, ano po pala ’yong payaso?” tanong ko kay Nanay Wendy na abala na ngayon sa paghihiwa ng mga sangkap sa lulutuin niya.
Humarap muna siya sa akin bago sinagot ang tanong ko. “Payaso? Hindi ka pa ba nakakakita no’n?” tanong niya.
Umiling lang ako at nagkibit-balikat. “Mga taong may makakapal na make-up at mapulang ilong ang payaso. Karaniwan silang nakikita sa mga kaarawan. Kadalasan ay nagpapatawa sila o nagma-magic. Lahat ng bata ay kinagigiliwan sila,” paliwanag niya.
Napapatango lang ako habang inilalarawan ni Nanay ang itsura ng payaso. Naiisip ko palang ang itsura nila ay natatawa na ako. Hindi tuloy ako makapaghintay na makakita ng isa.
Sumapit na ang araw ng Linggo. Tulad nga ng sabi ni nanay, inihatid niya lang ako sa venue. Puno ng makukulay na lobo ang paligid at mga banderitas na nagsasayawan dahil sa hangin. Puno na rin ng mga bata ang lugar na masayang naglalaro. Hindi rin sila nagkulang sa rami ng pagkain.
“Babalikan na lang kita pagkatapos. Huwag kang masyadong makulit, ah,” bilin sa akin ni nanay. Tumango ako at saka ngumiti nang malapad. “Maiwan na kita.” Nagpaalam na sa akin si nanay kaya naghanap na rin ako ng maaaring maupuan.
Ilang hilera rin ang upuan na pwedeng maupuan ng halos singkwentang bata. Napagpdesisyunan ko na lang na maupo sa pinakasulok malapit sa pintuan palabas. Bali tatlo kasi ang gate nila Andrei palabas. Isa ay ’yong pinasukan ko, ang isa ay sa likod bahay nila at ang isa ay ’yong malapit sa akin.
Nagsimula na ang selebrasyon nang bigla ay nagpatugtog ng children song. Nakakatwa ang mga bata sa unahan ko dahil sumasabay sila sa saliw ng tugtog. Hindi ko namalayan na pati ako ay napapasabay na rin pala.
Maya-maya ay may lumabas na dalawang lalaki. Marahil ay ito na ang tinutukoy nilang pasayo dahil mula sa deskripsyon ni Nanay Wendy, tumumpak sa kanilang dalawa ang pagsasalarawan, pula ang ilong at may makakapal na make-up sa mukha. Nakasuot din sila ng makulay na wig. Ang isa ay pula samantala ay dilaw naman ang sa isa.
Halos umugong ang venue dahil sa lakas ng tawanan namin nang lumabas sila. Kahit ako ay hindi ko napigilan ang matawa nang makita sila.
“Magandang hapon, mga bata!” bati nilang dalawa sa masiglang paraan.
“Magandang hapon din po!” sagot naming lahat. Mukhang naging mas aktibo ang lahat dahil sa mga payaso.
“Batiin na muna natin ang pinakaespesyal na bata ngayong araw, si Andrei Alegre! Sabay-sabay tayong kumanta ng Happy Birthday To You!” utos nila sa amin.
Sinunod naman namin ang nais nila. Sabay-sabay kaming kumanta at saka pumapalakpak. Binabaling pakanan at pakaliwa rin namin ang aming mga ulo.
Natapos na kami magsikantahan. Nagpasalamat naman si Andrei sa mga sumabay para batiin siya. “Gutom na ba kayo?!” ani ng payasong may dilaw na buhok. Tumango naman kaming lahat at saka nagtawanan.
“Maya-maya na! Bubusugin na muna namin kayo sa aming magic!”
“Magic?” bulong ko sa sarili. Halos mamilog ang mga mata ko dahil sa sobrang excite. Isa rin kasi iyon sa mga hinihintay ko.
Nagsimula na silang magpakita ng magic. May hawak ’yong isa ng panyo na bigla na lang nawawala kapag sinusuksok niya sa nakakuyom niyang kabilang kamay habang ang isa naman ay biglang may hinihila mula sa kanyang bibig na mga panyo.
Minsan ay gumagamit sila ng mga baraha na bigla na lang dumarami at naglalaho. Kakaiba ang lahat ng kanilang ginagawa. Lahat kami ay tutok na tutok sa panunuod. Para ngang walang napikit at ayaw nilang makaligtaan kahit na isang eksena.
Lahat kami ay namamangha at nabibighani sa kanilang ginagawa. Dinaig pa nila ang mga nakikita ko noong magic sa telebisyon. Matapos ang magic ay tumugon naman kami ng masigabong palakpakan. Hindi maikubli ang mga ngiti sa labi namin.
“Magjojoke naman kami,” ani ng dalawang payaso. “Ano ang tawag sa isdang nagka-karate?”
Sabay-sabay naman kaming tumugon. “Ano daw?”
“Edi, tilap-YAH!” saad nila at saka nagkunyari pang nagka-karate.
Hagalpak kaming mga nasa venue. Nagpatuloy lang sila sa pagjo-joke hanggang sa halos maubusan na kaming lahat ng hininga. Ang iba naman ay pinapalo na ang upuan ng nasa harap nila sa sobrang hindi makapagpigil.
Bago matapos ang presentasyon nila ay inanyayahan nila si Andrei na pumunta sa harap. May ibinulong sila rito kaya hindi namin naririnig ang kanilang pag-uusap. Matapos ’yon ay bumaling na sa amin ang dalawang payaso.
“Maraming salamat sa inyong lahat! Sana ay naligayahan kayo sa kaarawan ni Andrei!” saad ng dalawa at saka nagpatugtog na nang malakas. Nagpaalam na sila at isinama nila sa pag-alis si Andrei.
Hindi ko namalayan ang oras. Halos lumutang na pala ang buwan sa kalangitan. Sakto lang dahil kainan na rin at pagkatapos ay mga palaro na. Hindi ko inaasahang magiging ganito pala kasaya ang selebrasyon na ito.
Habang nasa kalagitnaan na ako ng pila para kumuha ng pagkain, naramdaman kong sumasakit ang pantog ko. Agad akong naghanap ng malapit na banyo, naalala ko palang hindi ko kabisado ang bahay nila Andrei. Sinubukan kong hanapin ang mga magulang niya pero nabigo ako. Marahil ay abala ang mga ito sa pakikipag-usap sa kanilang mga amigo at amiga.
Pumunta na lang ako sa likod bahay nila. Siguro naman ay walang makakakita sa akin doon. Wala na rin naman kasi akong magagawa sa nagrereklamo kong pantog. Kaysa naman sa magkaroon ako ng sakit sa bato, mabuti pang diligan ko na lang ang mga halaman nila sa likod-bahay.
Dali-dali akong pumunta roon. Bigla ko namang nakita roon ang dalawang payaso kasama si Andrei. Lintik! Ang sakit na talaga ng pantog ko.
“Sumama ka sa amin,” saad ng payasong may kulay dilaw na wig.
Habang paulit-ulit nilang sinasabi ’yon, napansin ko ang isang bagay na nasa harapan ni Andrei. Hindi ko gaanong maaninag dahil sa distansya pero nakasisiguro ako na may lace iyon at may nakasabit na bagay na may sukat na bilog roon.
Nakakatakot ang mga boses nila na tila nang-aakit. Nakalimutan ko na tuloy ang nagrereklamo kong pantog dahil sa sobrang atensyon na ibinigay ko sa kanila.
“Sumama ka sa amin,” muli pang ulit nila. Matapos ’yon ay humakbang na sila papalapit sa pintuan palabas. Nagtataka naman ako ng biglang sumunod sa kanila si Andrei, sumunod ito hanggang sa paglabas.
Pakiramdam ko ay may mali sa mga nakikita ko. Lumapit pa ako ng bahagya para mas mapakinggan ang pinag-uusapan nilang dalawa.
“Jackpot tayo sa batang ’to. Parang bigatin ang mga magulang,” ani ng payasong may pulang wig.
Doon na ako lalong nagtaka. Bakit nila sinasabing jackpot si Andrei? At ano naman kung bigatin ang mga magulang niya? Nakakasiguro na ako na may mali nga sa nangyayari.
Maya-maya ay isinakay na nila si Andrei sa van. Wala naman akong nakitang pagrereklamo kay Andrei. Gusto ko sana silang pigilan pero baka pati ako ay madamay. Naisipan ko na lang bumalik sa venue para makakain nang bigla ulit sumakit ang aking pantog.
Ito na! Pakiramdam ko ay lalabas na sa pagkakataong ’to. Bumalik ako papunta sa likod-bahay. Wala na rin naman siguro roon ang mga payaso at si Andrei.
Dahil sa pagmamadali ay hindi ko namalayan ang taong nasa harap ko. Natumba ako dahil sa impact at napaupo. Tiningnan ko mula paa hanggang sa ulo ang taong nabangga ko.
“Nagmamadali ka ’ata?” tanong sa akin ng nabangga ko.
Hindi naman ako kaagad nakaimik sa tanong niya nang makilala siya, ang payaso na may dilaw na wig! Naroroon pa rin pala sila at mula sa nakikita ko, hindi pa pala nakakaalis ang van nila. Kitang-kita ko kasi ang isa pang payaso roon na nakasakay at si Andrei…
Si Andrei habang humihingi ng saklolo!
Hindi naman kaagad ako nakakilos. Pakiramdam ko ay naging bato ako sa kinauupuan ko. Gusto ko sanang sumigaw upang makahingi ng tulong pero tila yata’y umurong ang dila ko.
“Sa susunod, mag-iingat ka sa nilalakaran mo,” ani ng payasong may dilaw na wig at saka hinawakan ang buhok ko. Umupo pa siya para lang makipagtitigan sa akin. Kabadong-kabado ako dahil baka isama niya ako sa van.
Bumalik na siya sa van. Nakita ko pa silang nagtalo. Marahil ay dahil sa akin dahil nakita ko ang ginawa nila kay Andrei. Pero sinigurado naman ng isang payaso na hindi ako magsasalita dahil sa takot ko. Matapos ’yon ay umalis na sila.
Hindi pa rin ako naalis sa kinauupuan ko. Pilit ko pa ring dina-digest ang mga nakita ko. Hindi ko naman namalayan na basa na pala ang pantalon ko dahil sa ihi. Naihi ako siguro dahil sa labis-labis na takot. Unang beses ko lang din kasi makakita ng ganoong senaryo.
Matapos ang selebrasyon ay naroroon na sa labas si Nanay para sunduin ako. Napansin naman niyang tuliro ako at wala sa sarili. Tinanong pa ako ni Nanay Wendy kung nong nangyari pero sinabi kong dala lang ng sobrang pagod.
Nang gabi ring iyon, napag-alamanan nila Mr. at Mrs. Alegre na nawawala si Andrei. Nagpatawag pa nga sila ng pulis para lang hanapin ang kanilang anak. Nanatiling tikom ang bibig ko sa tunay na nangyari. Ayaw kong masangkot sa ganoong sitwasyon lalo na’t bata lang ako.
Ano bang maipaglalaban ko?
Dumaan ang ilang araw, hindi pa rin nila nakikita si Andrei. May natatanggap na mensahe sila Mr. at Mrs. Alegre na mula raw sa kidnappers na nanghihingi ng isang milyon kapalit ng kanilang anak. Ngunit sa tuwing ite-text naman nila ay hindi nasagot ang mga ito.
Ang huling nabalitaan ko na lang ay natagpuang patay si Andrei. Nakita raw ang katawan nito na palutang-lutang sa isang ilog sa Maynila. Wakwak ang tiyan nito at kinuha raw ang lamang-loob. Nauso tuloy ang kwento tungkol sa mga sasakyang may lulan ng mga lalaking kumukuha ng bata para ibenta ang mga lamang-loob sa black market.
Naisipan kong dumalaw sa huling burol ni Andrei. Siguro sa ganoong paraan ay mapatawad niya ako at alam ko namang naiintindihan ako ni Andrei dahil tulad niya rin akong bata.
Kasama ko si Nanay Wendy nang dumalaw. Hinayaan niya na muna ako na tingnan ang kabaong ni Andrei dahil makikipagkwentuhan muna siya sa mga kapitbahay.
Naawa ako nang bigla kong makita ang kalunos-lunos na sinapit ni Andrei. Ano kaya ang nangyari sa kanya kung sinabi ko ang totoo sa mga pulis? Nakaligtas kaya siya o tulad din niya ang sasapitin ko?
Maya-maya ay naramdaman kong nagreklamo na naman ang pantog ko. Dahil nga sa hindi ko naman alam kung saan ang banyo, pumunta ako sa likod-bahay. Nadatnan ko roon sina Mr. at Mrs. Alegre na nag-uusap.
“Buti na lang namatay ang batang ’yan,” saad ni Mr. Alegre habang hinihithit ang hawak na sigarilyo.
“Hmm! Ang tagal naman kasi namatay ng batang ’yan. Sakit lang sa ulo!” reklamo naman ni Mrs. Alegre.
May kirot na biglang humaplos sa dibdib ko sa mga sinasabi nila. Naalala ko bigla ang sinabi sa akin ni Andrei nang minsan ay maglaro kami. Nasabi niya sa akin na anak siya sa labas. Hindi ganoon kaganda ang trato sa kanya ng kanyang ama dahil anak raw siya ng hardinero. Samantala ang kanyang ina naman ay sinasabing kasalanan siya.
“Sino bang uto-uto ang magbibigay ng isang milyon para lang sa batang iyon?” dinig ko pang sabi ni Mrs. Alegre.
Ngayon ay naiintindihan ko na. Naging malinaw na sa akin ang lahat. Instrumento lang ang payaso sa pagkamatay ni Andrei pero ang mismong pumatay talaga sa kanya ay ang nasa mismong tahanan niya.
Naging isang malaking palabas lang ang kunyari ay paghingi nila ng tulong sa pulis. Maging ang text messages na kanilang nakukuha mula sa kidnapper ay kasinungalingan.
Simula rin ng araw na iyon, hindi na ako pumunta kahit saang birthday party. Napawi na rin ang ngiti ko para sa mga payaso dahil sa takot na magkita muli kami ng mga pumatay kay Andrei.
������Ȱ.|�a��
Itim na Tao
[A/N: Ang ilan sa mga eksena sa kwentong ito ay totoo at dinagdagan lamang ng ilang gawa sa imahinasyon. Pinalitan din ang pangalan ng mga bida para na rin sa kanilang seguridad.]
Hindi ko akalaing maliban sa tao ay may iba pang nilalang ang nakatira sa mundong ginagalawan natin. Hindi natin sila madalas makita ngunit tiyak na nararamdaman. Minsan na silang nagpakita sa akin pero hindi ko na nanaisin na maulit pa iyon.
Nakapangingilabot. Nakapaninidig-balahibo.
Anim na taon ako nang mangyari iyong nakakatakot na pangyayari sa akin. Mahilig kasi ako nang bata ako matulog kung saan-saang bahay. Pinapayagan naman ako ng mga magulang ko kasi kamag-anak naman namin ’yong madalas kong tinutulugan.
Isang beses, nakitulog ako sa bahay ng pinsan ko na itatago na lang natin sa pangalang Leslie. Siya lang kasi mag-isa sa kanilang bahay sa kadahilanang aalis ang kanyang mga magulang. Wala man sa probinsya ang kanilang tirahan pero masasabing isa na rin dahil parang kubo ang kanilang bahay dahil gawa ito sa mga kawayan at pawid.
Naliligiran ang kanilang bahay ng mga matatayog na puno at matataas na damo. Magkakalayo ang bahay ng bawat isa sa kanila kaya masasabing payapa ang bawat magdadaang gabi mo roon. Hindi gaya sa bahay namin na kaunting kibot lang ng kapitbahay ay dagundong na ng buong baranggay.
“Matulog ka na lang sa tabi ko,” alok sa akin ni Ate Leslie. Kasama ko sa overnight ang nakatatanda kong kapatid na babae na si Ate Wilma at ang isa ko pang pinsan na si Ate Stella. Hindi ako naiilang kung puro babae sila sa kadahilanang sila na rin ang madalas kong nakakasama.
“Doon na lang po ako sa tabi ni ate,” magalang kong sabi. Pumayag naman si Ate Leslie at sinimulan ang pag-aayos.
Inihanda nila ang banig na hihigaan at sabay pinatungan ng malabot na kutson upang maging komportable sa pagtulog. Ilang beses na akong natulog sa bahay nila Ate Leslie pero iba yata ang pakiramdam ko ngayong gabi. Hindi ko maipaliwanag pero nakapagtataka, nakakabalisa.
Dumaan ang ilang oras at tuluyan ng dinalaw ng antok ang mga kasama ko pero ito ako na tila nagbibilang pa ng tupa para panawan ng diwa. Hindi ako makagalaw kasi konting kilos ko lang ay baka mabulabog sila sa mahimbing nilang pagkakatulog. Bakit ba kasi napagitnaan nila ako?
Mariin kong tinitigan ang bukas na bombilya. Iniutos ko kasing huwag patayin ang ilaw hangga’t hindi pa ako nakakatulog. Para kasing sinasakal ako ng dilim at unti-unting binawasan ang paghinga ko.
Sa kaiisip ay hindi ko namalayang nakatulog ako.
Bigla akong naalimpungatan nang makarinig ng ingay bandang alas-tres ng madaling araw. Pinakinggan ko lang nang mabuti ang ingay. Baka likha lang kasi ng malilikot na mga daga ang maingay na tunog.
Maya-maya lang ay naramdaman kong may mabibigat na yapak na parating. Nakapagtataka. Wala namang sinabi si Ate Leslie na uuwi ngayong gabi sina Tito’t Tita. Tiningnan ko ang orasan na nakasabit sa dingding. Lubhang nagtaka pa ako nang malamang lagpas alas-tres na. Saan naman kaya sila pumunta at sa ganitong oras lang umuwi?
Ipinagsawalang-bahala ko na lang iyon. Alam kong papasok sila Tito sa kwarto at kapag nakita pa akong gising ay tiyak na kagagalitan ako. Hindi ko na rin ginising pa si Ate Leslie dahil sa malayo-layo na rin ang narating ng kanyang pagtulog.
Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at muling hinanap ang antok. Pero sa kasamaang-palad, kahit ano’ng gawin ko ay tila gising na gising pa rin ang diwa ko. Nagdilat ako ng mata.
Nanigas bigla ang buo kong katawan. Kinilabutan ako bigla nang may makitang itim na bagay na nakadungaw sa pintuan - tila isang silweta sa liwanag. Korteng tao ang hugis niya pero wala siyang mukha. Pinikit ko ulit ang mga mata ko, marahil ay likha lang ito ng malikot kong imahinasyon.
Sa muling pagdilat ko, mas nagimbal ako, mas malapit na siya sa amin! Kitang-kita ko na ang buo niyang katawan. Itim na tao! Para siyang anino na tumayo at natutong maglakad.
Sa bawat pagpikit ko, palapit siya nang palapit. Natatakot na talaga ako. Ramdam ko ang maingay na pagkalampag ng bawat tibok ng puso ko. Nanunuyo ang lalamunan ko dahil sa sobrang kaba. Nangangatal ang labi ko dahil sa panginginig.
Sa pagkakataong iyon, napahagulgol na talaga ako ng iyak. Pinilit kong gisingin ang mga pinsan at ate ko pero para silang tulog-mantika na ayaw magpagising. Mas lumalakas ang paghagulgol ko dahil sa sobrang hilakbot.
Palapit siya nang palapit sa akin, ilang distansya na lang ang layo niya at maabot na niya ako. Hindi ko na kaya. Gusto kong magsisisigaw pero parang natutuyot ang lalamunan ko at nag-urong ang dila ko. Iyak lang ako nang iyak na halos pwede ng pigain ang unan ko sa sobrang dami ng nailabas kong luha.
Pumikit ulit ako nang mariin at nagdasal na sana ay mawala na siya. Hindi ko na kakayanin kung makikita ko pa talaga siya. Baka sa mura kong edad ay atakihin na ako sa puso at bawian ng buhay.
Bigla kong naramdaman na parang wala na siya. Hindi ko nararamdaman ang kanyang presensya. Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko - wala. Wala na siya. Nakahinga ako nang maluwag nang sandaling iyon. Habol-hininga talaga ako. Nakabibinging katahimikan na lang ang sumambulat sa akin.
Umayos na ako ng pagkakatulog at inisip na parang walang nangyari. Tumagilid ako ng pagkakahiga kaya nakaharap na ako sa ate ko. Pero ganoon na lamang ang pagkagimbal ko nang makita ang itim na tao sa mismong tabi ko.
Nanlaki ang mga mata ko sa sobrang pagkagulat. Nilupig na ng takot ang buo kong katawan at nanaig na ang kaba sa bawat kalamnan ko. Napangiwi ako nang bigla kong makagat ang ibabang labi ko.
Nagsusumigaw na ako nang mga oras na iyon. Para akong baliw! Gulat na gulat naman ang mga pinsan at ate ko sa akin na biglang napabalikwas ng bangon. Takang-taka sila kung ano bang ginagawa ko sa dis oras ng madaling araw at bakit ako sumisigaw.
Natahimik ako sandali. Wala na sa paligid ang itim na tao. Imahinasyon ko lang ba ’yon o nananaginip lang ako? Inalo muna nila ako para tumahan. Ramdam ko pa rin kasi ang panginginig ng buo kong katawan. Para akong ibinabad sa malamig na tubig at muling iniahon.
Nang mahimasmasan ay niyakap ko muna sila. Nagdadalawang-isip pa ako kung ikwikwento ko sa kanila ang nakita ko. Kalahati kasi ng utak ko ay nagsasabing tatawanan lang nila ako. Imposible naman kasi ang multo sa panahon ngayon.
“Ano bang nangyari? Magsabi ka na. Paniniwalaan namin kahit ano pa iyan,” saad ni Ate Stella.
Tila mabilis naman niya akong nakumbinsi. Ikwinento ko sa kanila na nakakita ako ng isang itim na tao - mula nang makita ko siya sa bintana hanggang sa makatabi ko siya sa higaan. Nagkatinginan naman silang tatlo na may pagtataka. Parang kinikilabutan na rin sila dahil sa kwento ko. Maging ako ay muling kinilabutan at bumalik sa akin ang sindak na nadama ko.
Naging seryoso naman ang itsura ng pinsan kong si Ate Leslie. “Sigurado ka ba sa nakita mo?’ tanong niya sa akin bigla.
“Opo,” sabi ko naman habang nangingilid pa rin sa luha.
Huminga muna siya nang malalim bago binuo ang sasabihin. “Totoo ang sinasabi niya,” pagtatapat sa amin ni Ate Leslie. Medyo nagulat naman kami sa kanyang sinabi. Tama nga! Hindi ako namamalik-mata!
“Matagal ko na rin nakikita ’yon since when I was a child. Sabi nila Papa, sinusundan daw ako ng itim na tao kahit na saan ako magpunta. Nakikita ko pa siya nang nasa dating bahay pa namin ako nakatira,” kwento niya.
Napapatango na lamang kami sa kanyang mga inilalahad. Pero bakit nagpapatuloy pa rin ang pagsunod nito sa kanya? Ano bang kailangan niya? Nakapagtataka.
“Sabi nila papa, mga lamang-lupa raw ang mga AGTA. ’Yon kasi ang tawag nila sa mga nilalang na iyon,” dagdag pa niya.
“Baka nagkagusto sayo,” sabi ni Ate Wilma. Napatingin kaming lahat sa kanya. Malaki ang posibilidad na totoo ang kanyang hinuha. Ang ikinakatakot ko lang, hindi na maipagkakaila sa ating paniniwala na malaki ang tyansang isama ng mga ito ang sinumang maibigan nila.
“Marahil. Marami na rin kasi ang nakapagsabi. Minsan nga ay natatakot na ako. Nang una kasi akong makakita ay hinimatay ako sa gitna ng damuhan,” kwento niya.
Sa mga sinabi ng pinsan ko ay medyo nagkakaroon na ng linaw ang lahat sa akin - sa amin. Tama nga sila. May kakaibang misteryo ang bumabalot sa ating daigdig na hindi pa rin natin maipaliwanag. Minsan ay madarama mo na lang. O dili kaya ay makikita sa hindi inaasahang lugar o panahon.
Kinaumagahan ay umalis na rin kami. Medyo na-trauma rin kasi ako sa mga nakita ko. Pinasabi na rin namin na ipa-bless ang buong bahay nang sa gayon ay maprotektahan sila. Nagpaalam na kami sa pinsan ko.
Pero ang pag-aakala ko na tapos na ang pagpaparamdam ng itim na tao ay HINDI PA PALA…
Tumanda na ako nang sampung taon. Nagkaroon na rin ng anak na lalaki si Ate Leslie. Mabuti na lang at malusog ang bata kaya walang gaanong naging problema sa pagpapaanak. Masayahin na bata ang anak ni Ate Leslie na bibong-bibo sa tuwing lalaruin ay bigla na lang ngingisi at hahagikhik ng tawa.
Pero lagi akong nagtataka sa tuwing titingin ito sa kisame ng bahay nila. Medyo kinikilabutan nga ako kapag ako ang bantay ng baby nila. Bigla na lang kasi ito iiyak nang walang dahilan. Minsan din ay maririnig mo na lang na tatawa nang mag-isa. Kaya mahirap itong iwanan na mag-isa sa kwarto lalo na tuwing gabi.
Isang araw ay nagkalagnat ang anak ni Ate Leslie. Mataas ang lagnat niya pero hindi mababakasan ng paghihirap ang baby. Parang wala siyang lagnat kung titingnan dahil aktibo pa rin sa paglalaro. Sa tuwing sasapuin mo lamang ang kanyang balat, doon mo lang mapatutunayan na naglalagablab ang katawan nito dahil sa lagnat.
Ilang beses sila nagpabalik-balik sa ospital dahil sa pawala-walang lagnat ng baby pero hindi ito makitaan ng diperensya. Ang sabi pa nga’y marahil sa mainit na panahon kaya ganoon na lamang mag-react ang katawan ng bata.
Kapansin-pansin na may kakaiba sa bata. Hindi pangkaraniwan. Minsan ay kinausap ko si Ate Leslie sa kalagayan ng kanyang anak.
“Ate, normal pa ba ’yang nangyayari sa baby mo?” tanong ko sa kanya.
Umiling siya at nagtaas-balikat. “Ewan ko ba. Pero parang may kakaiba,” sagot niya. “Kahit ano’ng dala namin sa ospital ay walang makitang sakit. Masigla siya pero kabaliktaran naman ng sinasabi ng kanyang katawan.”
“Pagamot mo kaya kay Lolo,” suhestyon ko
Isa kasing albularyo ang lolo ko na natutunan pa niya sa kanyang ama. Marunong din siyang gumamit ng black magic pero ang masama lang dito ay sa tuwing manggagamot siya ay siya namang balik ng sakit sa kanya ng taong kanyang nagamot.
Sa mga ganitong pagkakataon, dito natin naiisip na kapag wala ng solusyon ay baka ibang solusyon ang hinahanap. Kumbaga, sa bagay na madalas na hindi nating pinaniniwalaan ang siya namang magbibigay kasagutan.
Matapos namin ipatingin ang baby kay Lolo, napag-alaman namin na may isang engkanto raw na gumugulo sa bata kaya nagkakaganoon siya. Inilarawan niya kung anong itsura no’n. Mas lalo akong nagulat nang sinabi niya na isang taong itim daw ang nagpapakita.
Bumalik sa aking alaala ang una naming pagtatagpo ng nilalang na iyon. Naroroon pa rin ang takot at sindak.
Binilinan kami ng Lolo ko na mag-alay daw ng pagkain tuwing tanghali sa likod ng bahay nila Ate Leslie. Sa paraang iyon, baka hindi na sila gambalain pa nito. Ito ang madalas gawin dahil pagbibigay galang daw ito sa mga nilalang na nagambala o dili kaya ay kapalit ng katahimikan na ninanais.
Ilang linggo rin ang lumipas at nagiging maayos na ang pakiramdam ng pamangkin ko. Bumalik na ulit ang dati niyang sigla. Nawala na rin ang kanyang lagnat. Patuloy pa rin si Ate Leslie sa pag-aalay ng pagkain.
Minsan tinatanong ko ang sarili ko, bakit kaya nagpakita sa akin ang itim na tao na iyon? Siguro ay dahil bata pa ako no’n at malawak pa ang pag-iisip ang lagi na lang nagiging sagot ko.
Sa tuwing babantayan ko ang pamangkin ko, hindi ko pa rin maiwasan ang hindi kilabutan. Tumitingala pa rin kasi siya na parang may nakikita mula sa itaas. Napapatingala tuloy minsan ako sa aming kisame.
“Baby, ano kayang nakikita mo?” tanong ko sa pamangkin ko. Alam ko namang hindi siya sasagot dahil hindi pa niya ako naiintindihan. Natatawa na lang ako sa sarili ko.
Iniangat niya ang kanyang kamay at itinuro ang kisame.
“Moomoo,” sabi niya. Nanlaki ang mga mata ko nang mga oras na iyon. Diretsong-diretso niya nasabi ang salitang iyon.
Bigla naman siyang humagikhik ng tawa at nanatiling nakatingala sa taas - sa kisame.
Baka nga… Baka hindi pa tapos ang pagpaparamdam ng ITIM NA TAO…
Nasa paligid pa rin siya at nakatingin ang mga matatalim na mata sa akin.
Antisocial
ANTISOCIAL
“Kung gaano kasakit ang ginawa mo sa kapwa mo ay siya ring katumbas ng sakit na dapat ay danasin mo.”
“Bata, laro tayo!” aya ko sa batang babae na sa tantiya ko ay kaedad ko lang na noon ay nasa duyan at mag-isang naglilibang. Kapansin-pansin kasi ang pagiging tahimik niya. Madalas ko siyang nakikita dito sa parke pero ni isang beses ay hindi ko siya nakitang nakipaglaro sa sinuman sa amin.
“Rafaell! Hayaan mo na ang batang ’yan. Isang linggo na rin ’yan nandito. Baka nahihiya lang,” aniya ng isa kong kaibigan. Tumango na lang ako bilang tugon.
Bago ako bumalik sa paglalaro, sinulyapan ko pa sa huling pagkakataon ang batang babae, nakayuko siya habang ang may kamay ay nakayukom sa may bandang hita. Napailing na lang ako bago binalikan ang mga kalaro ko.
Dumaan pa ang isang linggo pero naroroon lang siya palagi, walang imik at tahimik. Naroroon siya sa tuwing pupunta ako hanggang makauwi galing sa parke.
Minsan ay tinatanong ko ang sarili ko, “Nauwi kaya siya?” o dili kaya, “Saan kaya siya nakatira?” Gusto ko sanang malaman ang tirahan niya, hindi dahil sa may gusto ako sa kanya, kung hindi dahil sa hiwagang bumabalot sa kanya.
Tila isang misteryo ang batang babae na ’yon para sa akin.
Isang araw nang hapon na iyon, nadatnan kong wala ang mga kalaro ko sa parke. Marahil ay hindi pinayagan ng kanilang mga magulang dahil sa bagsik na dala ng sinag ng araw. Pero ang batang babae na ’yon, naroon siya kahit na mainit.
Dahil nga sa wala ang mga kalaro ko, napagpasyahan kong lumapit na lang sa kanya para makipag-usap. Marahan akong lumapit sa kanya habang nasa likod pa ang mga kamay ko na tila nahihiya.
“Hi,” bati ko. Dahan-dahan siyang tumingala sa akin dahil sa nakayuko siya. Malamig ang naging pagtitig niya sa akin. Doon ko lang din napansin ang sugat niya sa noo. Mayroon din doong bukol na animo’y naumpog sa kongkreto.
Walang emosyon niya akong tiningnan. Hindi man lamang siya ngumiti o ano pa man, nakatingin lang siya na para bang kinikilatis ako.
Inilahad ko ang kamay ko para makipag-shakehands. Sinundan niya lang ang kamay ko na ngayon ay nasa harap na ng kanyang mukha.
“Ahm. Ako nga pala si Rafael,” pakilala ko. “Ikaw?”
“Alyssa,” matipid niyang sagot. Nang hindi pa rin siya nakikipag-shakehands ay binawi ko na kaagad ang kamay ko.
Matapos ’yon, naupo ako sa bakanteng duyan sa tabi niya. Pakiramdam ko ay hangin lang ako para sa kanya nang mga sandaling iyon. Hindi man lang niya ako binibigyan ng pansin.
Tiningnan ko siya nang mabuti. Doon ko lang din napagtanto na maging ang kanyang mga kamay ay may latay ng sugat. Nilalangaw na iyon ngunit hinahayaan lang niya. Bigla tuloy humaplos sa puso ko ang awa sa kanyang kondisyon.
“Matanong ko lang, saan mo nakuha ang mga sugat na iyan?” tanong ko saka itinuro ang kanyang mga sugat. Tiningnan niya pa ang parte ng katawan niya na itinuro ko. “Kung ayaw mo pala sagutin, ayos lang,” bawi ko nang mapansing masyado palang naging personal ang tanong ko.
Nagitla ako nang bigla siyang nagsalita. “Kung gaano kasakit ang ginawa mo sa kapwa mo ay siya ring katumbas ng sakit na dapat ay danasin mo,” makahulugan niyang sabi.
Napaisip tuloy ako sa sinabi niya. Hindi pangkaraniwan para sa isang bata ang magsabi nang ganoong mga bagay. Tulad ko bilang bata, hindi ko pa naiisip ang mga ganyang kalalim na bagay. Lalo lang tuloy nadagdagan ang paghihinala ko kay Alyssa.
Nang araw ding iyon, masasabi kong iyon na rin siguro ang huli naming pag-uusap. Hindi na rin ako nagtangka na kausapin pa siya ulit matapos iyon kahit na araw-araw ay nagkikita kami sa parke. Sa mga nagdaan ding mga araw, wala pa rin ako ni isang nakikita na nakipag-usap sa kanya.
“Santi, bakit ba nag-iisa lagi si Alyssa?” tanong ko sa kalaro ko.
“Alyssa pala ang pangalan niya,” aniya saka nagtatango-tango. “Ang sabi ng matatanda, nagpakamatay daw ang ina niya sa ’di malamang dahilan. Kilala raw sila bilang pamilya ng baliw. ’yon siguro ang dahilan kung bakit mag-isa siya.”
Matapos ’yon, hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Sa tingin ko kasi ay nanghusga kaagad ako ng kapwa nang hindi ko pa sila lubos na kilala.
Isang gabi, nautusan ako ng aking ina na bumili sa kabilang kanto dahil wala raw ang sangkap na hinahanap niya sa pagluluto. Abala ako sa paghahanap no’n nang bigla kong makita sa kalsada si Alyssa.
May kasama siyang dalawang batang lalaki na sa tingin ko ay kaparehas lang namin ng edad. Nagtago ako sa bandang halamanan at doon ay taim-taim na pinakinggan ang kanilang pag-uusap.
“Bakit ayaw mo magsalita? Nami-miss mo na ba ang mommy mo?” ani ng isa.
“Pipi! Pipi! Pipi!” pang-aasar pa ng isa na sinamahan ng pagdila. Hindi tumitingin sa kanila si Alyssa. Tahimik lang ito sa ginagawa sa kanya ng dalawang batang lalaki.
Gusto ko silang sugurin at sapakin pero baliktad ang nais ng mga paa ko. Marahil ay umaatras ito dahil sa takot na madamay sa gulo.
“Tumahimik na kayo,” mariing sabi ni Alyssa. Ramdam ko ang galit sa pagbigkas niya no’n kahit na mahina. Nagulat naman ang dalawang batang lalaki nang marinig ang boses ni Alyssa.
“Narinig mo ’yon? Nagsalita si pipi!” saad nito sa kanyang kasamahan. Sabay pa silang nagtawanan na parang nang-aasar.
Nakayukom lang ang mga kamay ko. Kailangan kong magtimpi para na rin sa kapakanan ko, alam kong kagagalitan ako ni Mama kapag nalaman niyang nakipag-away ako.
Matalim na tiningnan ni Alyssa ang dalawa. Halos magliyab na ito sa tindi ng galit. “Manahimik kayo!” Matapos ’yon ay marahas na itinulak ni Alyssa ang isa sa mga batang lalaki.
Kasabay nang pagtulak niya ay ang isang malakas na busina at hampas ng isang bagay sa bumper ng sasakyan. Nanlalaki naman ang mga mata ko sa aking nasaksihan. Tumilapon ang katawan ng batang lalaki sa kabilang bahagi ng kalsada.
Napahawak lang ako sa bibig ko dahil sa bigla. Ilang segundo rin akong natigilan hanggang sa mahanap ko ang pakiramdam ko.
Hindi naman magkandamayaw sa pagsigaw ang mga taong nakasaksi ng trahedya. Lahat sila ay nabigla sa naging pangyayari. Hindi ko maikilos ang katawan ko sa sobrang hilakbot. Agad na hinanap ng mata ko si Alyssa pero parang bula ito na nawala na lang bigla.
Ngayon lang ako nakasaksi nang ganoon. Pakiramdam ko ay ako ang nasagasaan sa sobrang sakit. Dahan-dahan akong lumapit sa nasagasaan. Para kasing gustong masaksihan ng mga mata ko kung ano ba ang nangyari sa batang lalaki.
Dahil nga sa hindi naman ako kalakihan, naisiksik ko ang sarili ko sa kumpol ng mga tao. Halos mapaluhod ako nang makita ko ang hitsura ng batang lalaki. Tirik ang mga mata nito at bali-bali ang katawan. Nagkalat din sa paligid ang dugo nito na nagsasabing malakas ang pagkakatama nito sa bumper ng sasakyan.
“Kawawa naman ’yan!” turan ng isang usisero.
“Nasaan na ba ang magulang n’yan? Naku naman! Hindi na talaga dapat iniiwan ang mga bata sa kalsada!” dagdag pa ng isa.
Doon ko lang din napansin na nasa gilid pala ng bangkay ’yong kasama niya pang isa. Iyak lang ito ng iyak. Kahit anong pilit nila dito ay hindi nila magawang pagsalitain tungkol sa nangyari.
Naalala ko bigla ang mga barya sa kamay ko. Naku! Malilintikan ako kay Mama nito! Dali-dali akong nagmadali palabas sa kumpol ng tao. “Padaan po!” paulit-ulit kong sabi.
Napansin ko ang isang lalaking nakatayo sa ’di kalayuan. Nakatingin lang siya sa tumpok ng tao. Nakapamulsa pa siya habang nagmamasid. Ipinagsawalang-bahala ko na lang iyon at dumiretso na sa tindahan.
Matapos ang isang linggo, napag-alamanan kong patay na rin si Alyssa. Nabunggo raw ito ng isang truck. Halos mapipi nga raw ang ulo dahil naipit pa raw sa sasakyan na nasa unahan ng truck. Hindi na raw nagawang isugod ang katawan nito sa ospital dahil nga sa patay na ito bago pa man maialis sa pagkakaipit.
Kasabay din nang pagkamatay niya ay ang pag-usbong ng usap-usapan na madalas ay nagpapakita raw si Alyssa sa duyan kung saan siya madalas ay tumambay.
Nagresulta ito para katakutan ng mga bata ang parke pero ibahin niyo ako, alam ko naman kasing gawa-gawa lang iyon ng mga matatanda para tumigil ang mga anak nila sa paglalaro. Kinatakutan na kasi ng matatanda na mapahamak ang kanilang mga anak tulad na lang ng nangyari kay Alyssa at sa batang lalaki.
Umupo ako sa tabi ng duyan kung saan naupo si Alyssa. Sinariwa ko ang araw nang una naming pag-uusap. Marahil ay kung nakapag-usap pa kami nang mas matagal ay malalaman ko ang saloobin niya, mas mauunawaan ko siya.
Habang abala ako, hindi ko namalayan na may umupo pala sa tabi ko, sa duyan mismo kung saan umuupo si Alyssa. Tiningnan ko siya at napansing lalaki siya na may katandaan na. Napaiwas kaagad ako ng tingin nang makilala siya.
Siya ’yong lalaking nakita ko kamakailan kung saan nasagasaan ang batang lalaki. Sayad ang paa niya sa lupa kaya sa tuwing titingkayad siya ay naandar ang duyan.
“Kilala mo ba si Alyssa?” tanong ng lalaki pero hindi siya nakatingin sa akin. Tumingin tuloy ako sa paligid kung ako ba ang pinatutungkulan niya.
“Ako po ba?” tanong ko pabalik.
“Oo,” matipid niyang sagot.
“Opo. Bakit po?”
“Mabait na bata si Alyssa. Lagi siyang nakikinig sa mama niya. Kaya kahit anong sabihin ng mama niya ay pinakikinggan niya,” saad niya. Hindi ko alam kung bakit sinasabi sa akin ’to ng lalaking ito. Hindi ko rin alam kung ano’ng relasyon niya kay Alyssa.
“Mabait din siya sa kapwa niya pero hindi niya napipigilan ang manakit,” dagdag pa niya.
Napaisip tuloy ako at biglang naalala ang mga sugat ni Alyssa. “Sir, kung ganoon po, saan nakuha ni Alyssa ang mga sugat niya?”
Ngumiti siya nang nakakaloko. “’Yon ba? Ako ang may gawa no’n,” aniya na tila bilib pa sa sariling ginawa. “Sinabi ko kasi sa kanya na kung gaano kasakit ang ginawa mo sa kapwa mo ay siya ring katumbas ng sakit na dapat ay danasin mo. Sa tuwing mananakit siya ay may katumbas din na pananakit mula sa akin.”
Halos manuyo ang lalamunan ko nang marinig ang pahayag niya. Gusto ko na sanang tumayo para makaalis pero pakiramdam ko ay nadikit na ang pwet ko sa duyan.
“Kaya ’yong nangyari sa kanya, nang mabangga siya, kagagawan ko ’yon.” Lalo pang lumapad ang ngiti niya. Nagsitaasan pa ang balahibo ko dahil sa hilakbot.
“Gusto mo rin bang malaman kung ano ang nangyari sa mama niya?” tanong niya.
Inipon ko ang lakas ko para makapagsalita. Bumuga ako ng hangin pagkatapos ay pinilit ayusin ang sarili para hindi niya makitang kinakabahan ako. “S-sir, t-tinatawag n-na p-po ata ako n-ng M-mama ko,” utal kong sabi.
Tatayo na sana ako nang bigla ay hawakan niya ang kamay ko. “Aalis ka na kaagad?”
Napalunok ako ng laway. Anong gagawin ko? Nakakaramdam na ako ng takot. Kumpirmado nga na pamilya sila ng mga baliw. “A-ano p-po k-kasi… may iniutos po sa akin ang Mama ko,” pagdadahilan ko.
Masama ang mga titig niya sa akin. Humihigpit na ang hawak niya na halos mapilayan na ako. “S-sir, b-bitawan n-niyo n-na p-po a-ako,” saad ko. Hindi ko pa rin mapigilan ang kabahan lalo na’t dahil sa ipinapakita niya.
“Alam mo bang hindi nakahinga ang mama ni Alyssa kaya siya namatay?” kwento nito.
Naramdaman ko na lang na lumuluwag na ang kapit niya. Ginawa ko na ’yong chance upang makatakas. Inipon ko ang lakas ko at mabilis na kumalag sa pagkakakapit niya. Nang matagumpay kong maalis ang kamay niya ay kumaripas na ako ng takbo. Narinig ko pa siyang nagsalita pero ipinagsawalang bahala ko na lang.
Dumiretso ako sa pulis para isuplong ang lalaking iyon. Hindi naman nag-atubili ang mga pulis at agad na dinakip ang ama ni Alyssa. Nakumpirma ang mga bintang dahil sa mga nagmamalasakit na kapitbahay.
Minsan daw ay nakikita nilang sinasaktan nito si Alyssa. Naririnig kasi nila ang hiyaw ng bata dahil sa sakit at ang ilang tunog mula sa pag-umpog ng ulo ni Alyssa sa pader. Minsan ay nakikita pa nilang hinahagupit ng sinturon ang mga kamay ni Alyssa habang naka-iskwat.
Dahil nga doon ay hinatulan ng mababang hukuman ang ama ni Alyssa ng guilty sa kasong pagpatay at child abuse. Hindi ko na rin ikwinento sa pulisya ang tungkol sa ina ni Alyssa. Hindi ko naman kasi tinapos ang kwento ng kanyang ama kaya hindi ko alam ang nangyari.
Kinabukasan, napadaan ako sa bahay nila Alyssa na nasa pangatlong kalye lang pala. Napatitig ako sa loob ng tahanan niya, o kung tahanan bang maituturing. Napaisip tuloy ako kung buong buhay ba ni Alyssa ay ganoon araw-araw ang set up ng pamumuhay niya.
Napadako ang mata ko sa bintana. Halos panawan ako ng ulirat nang makita ang pamilya ni Alyssa at pati siya roon. Hindi ko kaagad naalis ang mata ko.
Mula roon ay kitang-kita ko na nakasampa si Alyssa sa kanyang ina habang nakabigti mula sa kisame. Nagkaroon ng butil-butil na pawis ang mukha ko dahil sa kaba.
Biglang nagsink in sa akin ang mga pangyayari. Hindi ang ama ni Alyssa ang pumatay sa kanyang ina kundi mismong siya! ’Yon marahil ang sasabihin sa akin ng kanyang ama kung hindi kaagad ako nakawala sa hawak niya.
“Masayang nakakapit si Alyssa sa naghihingalo niyang ina na siya pa mismong nagtali mula sa kisame. Akala niya yata ay nakagawa siya ng duyan.” naalala kong sabi ng kanyang ama nang kumaripas ako ng takbo. Ang ilan na lang sa sinabi nito ay naging malabo na sa memorya ko.
Nang mahanap ko ang pakiramdam ko ay tumakbo na ako pauwi. May mga sikreto talagang nakakatuwa kapag malaman at ang ilan ay nakakatakot na tiyak na kikilabutan kapag napakinggan.
��’|�B��
Pagkain
“Kumain ka pa.”
Bagong taon, unang araw ng taon, karaniwan na sa mga tao ang ipagdiwang ang espesyal na araw na ito bilang pagpupugay sa panibagong taon na ibinigay sa atin. Ngunit ang masayang pagdiriwang ay mabilis ding napawi. Ang dapat na masayang araw ay nauwi sa kahindik-hindik na karanasan, nang dahil sa pagsuway, nang dahil sa kasibaan.
Hindi na muling nagmulat ang mga mata ko at permanente na akong tulog habambuhay.
Bilang selebrasyon sa Bagong Taon, sa aming bahay napagplanuhan ng aming angkan ganapin ang taunang okasyon. Dagsa ang mga kamag-anak ko na dumalo kasabay ang mga bitbit nilang sari-sariling pinagmamalaking putahe.
"James! Hinay-hinay lang sa pagkain. Hindi ka mauubusan, marami-rami pa ito," bilin sa akin ni Mama na abala sa pag-aayos sa mesa.
Tiningnan ko ang aming mahabang hapag, halos lahat ng putahe na nasa lamesa ay natikman ko, wala akong pinalagpas na kahit isa. Lahat ng ito ay dumaan sa aking bibig na animo'y isang makinang patuloy sa pagbira pagdating sa pagkain.
"Hindi pa nga po ako nabubusog," saad ko habang hindi nakatingin at nakapokus sa pagkain. Mabilis kong isinubo ang hawak-hawak kong pritong manok at hindi na inintindi si Mama.
Narinig ko ang tunog ng kanyang pagkadismaya. "Kaya ka nataba, e. Baka naman, hindi ka matunawan niyan," nag-aalala niyang sabi.
"May pagkaing hindi ba natutunaw sa tiyan ko?" paanas kong sabi.
Pero tila naging bingi ako sa sinabi ni Mama, patuloy lang ako sa pagnguya, hindi alintana kung manakit man ang aking tiyan kinabukasan. Hangga't hindi napapagod ang panga ko, hindi rin ako mapapagod kumain.
Ilang beses ng napuno ang aking plato ng iba't-ibang uri ng pagkain – spaghetti, pansit, kanin, pritong manok, menudo, keyk at iba pa. Tila isang malaking bodega ang aking tiyan na hindi pa rin napupuno.
Halos pauwi na ang lahat ng bisita nang bandang ala-una, ang iba kasi ay magdiriwang rin sa kanilang bahay. Sa tuwing mapapagawi sila sa aking pwesto, hindi maiwasan ng aking mga kamag-anak na sabihing, "Baka bangungutin ka n'yan sa sobrang kabusugan."
Pero hindi ko alam na hudyat na pala iyon na dapat na akong tumigil. Sana lang talaga ay huminto na ako. Sana ay nakinig ako. Edi sana… Edi sana buhay pa ako.
Bandang alas-dos nang maubos ang lahat ng bisita. Isa-isa ng inililigpit nila Mama at Papa ang mga ginamit na bangko at lamesa. Maging ang mga kalat ay isa-isa na rin nilang pinupulot at inilalagay sa sako ng basura.
Dahil sa sobrang kabusugan ay hindi ko na sila nagawa pang tulungan sa pag-aayos at dumiretso na lamang ako sa aking kwarto at doon na lamang magpapatunaw ng kinain.
Pabagsak akong humiga sa aking kama, pakiramdam ko tuloy ay maisusuka ko ang lahat ng aking kinain dahil sa sobrang dami. Para kasing hindi pa rin nababa ang lahat ng kinain ko na sa tuwing didighay ako ay tila lalabas mula sa aking lalamunan.
Dahil sa kabusugan, hindi ko namalayan na mabilis akong dinalaw ng antok.
Lagpas alas-tres ng madaling araw, naalimpungatan ako dahil sa ingay mula sa labas. Nagdilat ako ng mga mata at papungay-pungay pa upang makita nang mas malinaw ang buong paligid. Mula sa nakaawang na pinto, kita ko ang liwanag mula sa labas na dapat ay patay na ngayon sa ganitong oras.
Napansin ko rin ang ilang mga tao na nagsisidaan sa aking kwarto. Nakapagtataka tuloy kung bakit may bisita pa rin kami sa ganitong oras.
Doon ko lang napunang mula sa mga nag-uusap na tao ang naririnig kong ingay. Marami-rami sila na tila aktibo pa rin sa ganitong oras. Tumayo ako mula sa pagkakahiga at marahang lumapit sa pintuan.
Bumaba ako mula sa kwarto ko at nakitang napakarami na naman naming bisita at maging ang hapag ay napuno rin ng pagkain. Agad kong hinagilap si Mama pero dahil sa dami ng tao ay nabigo ako. Ang ilan sa mga mukhang nakikita ko ay pamilyar sa akin ngunit ang ilan ay ngayon ko lamang nakita sa tanang buhay ko.
Sa gitna ng paghahanap, isang lalaki ang lumapit sa akin. Nakasuot siya ng amerikana at may panloob na long sleeve. Pormal na pormal kung tutuusin. Inalok niya sa akin ang kanyang kanang kamay bilang pakikipagkamay.
Tumugon naman ako sa kanya at kinamayan siya bilang paggalang.
"Sinong hinahanap mo?" tanong niya nang mapansing palinga-linga ako sa paligid.
"Nakita mo ba si Mama?" tanong ko. "Mama Mercy?" dagdag ko.
Nag-isip siya sandali at saka bumaling ulit sa akin. "Nakita ko siya kanina habang kausap ang Tiyo at Tiya mo," sagot nito. Ngumiti lang ako sa kanya bilang pasasalamat. "Gusto mo bang kumain na muna tayo?" alok niya.
Pinakiramdaman ko ang akking tiyan. Tila may nagwawala na naman doong leon. Nakapagtataka lang tuloy na mabilis na nawala ang aking kabusugan samantalang isang oras pa lamang ang nakalilipas.
Naupo kami sa bandang gilid, ang halos lahat ng tao kasi ay nasa gitna kaya't nakakahiya kung makikita nila ako kung paano kumain.
"Ako na ang kukuha ng pagkain natin," pag-aalok niya at saka umalis. Sa aking pag-iisa, napansin ko ang suot ng lahat ng bisita – lahat sila ay nakapang-formal na suot. Wala naman kaming sinabing dress code, kahit ano ay pwede, sadyang nakapagtataka lang na ang lahat ay nag-abala pang magsuot ng ganyan.
Ilang saglit lang ay bumalik na ang lalaking hindi ko pa rin alam ang pangalan. Naupo siya sa aking tabi sa bandang kaliwa. Nagulat ako nang ilapag niya ang isang katutak na plato na naglalaman ng iba't-ibang pagkain. Kulang na lang ay kunin niya ang buong lamesa at itabi sa akin.
"Ang dami naman yata nito," saad ko, walang halong biro.
Ngumisi siya. "Kaunti pa 'yan. Halika na, kumain na tayo."
Nakaramdam ako ng kakaiba sa lalaking ito pero agad ko ring ipinagsawalang-bahala iyon. Mas pagkakaabalahan ko muna ay ang kumakalam na aking tiyan.
'Subo dito, subo doon' ang naging aking routine. Wala akong tigil hangga't hindi ako nagsasawa, hangga't natatakam ako sa pagkain na nasa aking harapan.
Kapansin-pansin ang mabagal na pagsubo ng aking kasama. Minsan ay mapapansin kong sumusulyap siya habang nakain ako at saka ngingisi. Naglakas-loob tuloy akong magtanong sa kanya. "M-may prob-ma ba s-sa 'k-kin?" tanong ko.
Nakita kong nangunot ang kanyang noo. Marahil ay hindi naging malinaw ang aking sinabi dahil sa may nginunguya pa ako. Nilunok ko muna ang natitirang pagkain sa aking bibig at saka inulit ang aking tanong. "May problema ba sa akin? Kanina pa kasi kitang nakikitang nangingisi."
Umiling siya at saka matipid na sumagot ng, "Wala."
Nagkibit-balikat ako at pinagpatuloy nalamang ang naudlot na pagkain.
"Maiba pala ako, hindi ko pa rin pala alam ang pangalan mo," saad ko pero hindi direktang nakatingin sa kanya.
"James," diresta niyang sagot.
Natawa ako bigla sa kanyang sinabi. "Akalain mo 'yon, parehas pa tayo ng pangalan."
"James Santos," aniya.
Natigilan ako. James Santos? Maging sa apelyido ay magkapareha kami. Pwede naman 'yon, 'di ba? Hindi lang naman ako ang nag-iisang James Santos sa mundo.
Bigla ko na namang narinig na nagngingisi siya pero iba sa nauna, mas malakas ito. Parang nangungutya ang kanyang bawat pagngisi na kalaunan ay naging tawa, malakas na tawa. Hindi ko na siya maunawaan. Tila isang baliw kung ilalarawan ang kinikilos ng lalaking ito.
Bumaling na lang ako sa aking kinakain.
Pero…
Napalitan ang nakakatakam na pagkain ng mga uod at insekto! Naitapon ko bigla ang hawak-hawak kong kutsara na puno ng maruruming ipis. Halos masuka ako sa aking nakikita. Gumagapang pa ang mga insekto na iyon sa aking lamesa.
Sinulyapan ko ang nagpakilalang si James, tawa lang siya na tila isang baliw. Napansin ko ring nakatingin na sa akin ang mga bisita. Halos magsibabaan ang dugo sa aking katawan nang magtagpo ang aming mga tingin…
Wala silang mga mukha!
Hindi ko na nauunawaan kung ano ba talaga ang nangyayari. Bangungot ba ito? Parang bibigay na ang katawan ko. Unti-unti kong nararamdaman ang pagbigat ng aking pakiramdam dahil sa kabusugan. Hindi ko magawang makatakbo papunta kay Mama.
Inipon ko ang natitira kong lakas at hinawi ang mga taong walang mukha upang hanapin si Mama. Mabuti na lang ay wala silang ginagawang masama sa akin habang ako ay nadaan. Mula sa kabilang dulo, natagpuan ko si Mama na nakikipag-usap sa iba pang taong walang mukha.
“Ma,” tawag ko sa kanya at hinawakan siya sa kanyang balikat.
Pero ganoon na lamang ang aking hilakbot nang humarap siya sa akin at walang mukha! Gulong-gulo na ang isipan ko. Bakit puro ganito ang aking nakikita? Ang lahat ay walang mukha!
Maya-maya ay pinalibutan nila ako, pabilog. Napaupo ako dahil sa takot habang tinititigan lamang sila na lamunin ako. Nangingiyak na ako sa sobrang takot.
Mula sa kumpol ng tao ay lumabas si James at seryoso na ang mukha nito, malayong-malayo sa patawa-tawang lalaki kanina. Lumapit siya sa akin at inalalayan akong makatayo.
“Sumama ka sa akin,” untag niya. Para namang iwas ang lahat ng tao kay James nang dumaan kami dahil biglang nahahawi ang kumpol ng tao.
Pinaupo niya ako sa kinauupuan namin kanina. Wala akong ideya kung anong balak niya pero nagpaagos na lang ako sa kanyang ginagawa. Umalis siya saglit at bumalik rin kaagad bitbit ang isang plato.
“Kumain ka,” aniya at saka inilapag ang isang plato ng masarap na spaghetti.
Nagtaka ako nang bigla na namang akong nagutom, parang kanina lang ay halos hindi na ako makapaglakad dahil sa kabusugan. Walang anu-ano’y nilantakan ko ang pagkain at agad na inubos nang wala pa sa isang minuto. Paulit-ulit ako sa gano’n, maglalapag siya ng pagkain at agad ko rin namang uubusin.
Pakiramdam ko ay napupuno na ang aking bodega at hindi pa rin nauubos ang inilalapag na pagkain ni James. Huminga ako ng malalim at napansing lumaki ng sobra ang tiyan ko na para akong lumulon ng bola.
“H-hindi ko na kaya,” saad ko.
Nangingisi naman si James. “Kaya mo pa ’yan,” pagpupumilit niya. “Kumain ka pa.”
Kinuha ko ang tinidor at sinubukan ulit na kumain pero tila may kung anong bagay ang gustong lumabas mula sa aking lalamunan.
Nakakakiliti.
Walang anu-ano’y bigla kong naisuka ang lahat ng aking kinain at lumabas ang napakaraming uod! Nanlalaki ang mga mata ko habang nakikitang gumagapang ang napakaraming uod sa sahig na mula sa aking bibig. Gusto ko pang isuka ang lahat ng kinain ko pero tila nasaid na ang aking tiyan. Diring-diri ako sa aking nakikita.
Narinig ko ang malakas na pagtawa ni James na dumadagundong sa buong kabahayan. Nakasisindak ang kanyang tawa na mala-demonyo sa lakas.
“Hayop ka!” bulyaw ko.
Natigilan siya at sinamaan ako ng tingin. Nakakikilabot ang mga titig na iyon na kung maaaring makapatay ay paniguradong patay na ako. Nanginginig ang buo kong kalamnan dahil sa pagkahilakbot.
Hindi ko namalayan ang paglapit ng dalawang taong walang mukha sa akin. Bitbit nila ang isang mahabang lubid at mabilis na ipinalibot sa akin. Hindi ko na nagawang makapalag sa kanila. Pinilit kong makawala ngunit masyado ng mahigpit ang kanilang pagkakatali.
“Anong gagawin niyo sa akin?” nahihintakutan kong tanong.
Lumapit sa akin si James at dahan-dahang inilapit ang kanyang labi sa aking tainga. Ramdam ko ang mainit niyang hininga na tumatama sa aking mukha. Malakas ang bawat pintig ng aking puso na kumakalabog dahil sa takot.
“Hindi mo ba talaga ako nakikilala?” aniya at saka umayos ng pagkakatayo.
Tiningnan ko siya nang mabuti at doon ko lamang nakilala. Naaalala ko na kung saan una kaming nagkita.
Sa panaginip… dahil siya ay ako, at ako ay siya. Iisa kami.
“Gusto ko ng magising,” nangingiyak kong sabi.
Humagalpak siya ng tawa, tawa ng isang baliw, ng isang demonyong nakahuli na naman ng kanyang mabibiktima.
“Hindi ka na magigising. Mamamatay ka na sa panaginip na ito!” Ilang sandali lang ay pabalang niyang sinalpak sa nakaawang kong bibig ang lahat ng pagkaing kanyang madampot. Nabigla ako sa pangyayari kaya’t hindi ko na nagawang itikom ang nangangalay kong panga.
“Kumain ka pa! Kumain ka pa!” aniya habang patuloy sa pagbira ng pagkain sa aking bibig.
Nangingiyak na ako sa sakit. Halos mapunit na ang aking bibig hanggang sa tainga dahil sa sobrang dami ng pagkaing nakapasak. Unti-unti na ring ninanakaw ang aking hininga, nagiging mahirap na para sa akin ang kontrolin ang pagdaloy ng hangin sa aking katawan.
Naririnig ko ang malalakas nilang tawa na tila tuwang-tuwa sa aking sinapit. Lahat ay nangungutya. Hindi ko na naiwasan ang mangiyak. Hinang-hina na ako.
Tanging huli ko na lamang nakita ay ang sarili kong nakangiti sa aking pagdurusa, sa aking kasibaan.
6IVw
Kagandahan (Part 1)
KAGANDAHAN (Part 1)
Hindi maikakaila sa ating mga Pilipino ang maging parokyano ng mga produkto at serbisyong nagsasabing gaganda ang ating pisikal na kaanyuan. Nariyan ang mga sabong nakapagpapaputi, ang ilan naman ay nagsasabing magkakaroon ka ng kutis tulad ng sa artista. Kaya’t hindi na nakapagtataka kung bakit ang mga tao ay humaling sa ganitong mga pang-aakit.
Ngunit sa aking karanasan, ibang produkto ang tila’y magpapaganda ng inyong kaanyuan. Mapapansinng epektibo nga ang nasabing produkto kung pagbabasehan ang resulta nito sa taong gumamit.
Kaya’t halina! Maengganyo sa bagong produkto na tiyak babalik-balikan mo!
Ako si Elsa, tubong Samar at kasalukuyang kumakayod dahil kapos-kapalaran. Para lamang makatapos ng pag-aaral ay namamasukan akong kasambahay bilang panawid ko sa mga gastusin sa paaralan.
Kasalukuyan akong namamasukan kay Mrs. Valencia, isang biyuda at sa kasamaang-palad ay hindi nabiyayaan ng anak. Tinulungan akong makapasok ng aking Tiya dito dahil nangangailangan daw sila ng karagdagang kasambahay. Mabilis naman akong napa-oo dahil sa laki ng maaari kong maging sweldo.
Abril ng nakaraang taon, unang araw ko kay Mrs. Valencia. Malaki-laki ang bahay na may magandang interyor at landscape sa labas. Kakikitaan ng modernisasyon at halatang sopistikado ang pagkakagawa, mabusisi ika nga.
Pagkapasok ko ng bahay, naabutan ko roon ang isang matanda at dalawang babae na sa tantiya ko ay kaedad ko lang. Ngumiti sila sa akin at tinugunan ko rin naman kaagad.
Mula sa ikalawang palapag, bumababa sa hagdan ang isang magandang babae na naglalaro ang edad sa trenta. Halos perpekto ang kanyang itsura na animo’y isang dyosa. Makinis, porselanang balat, balingkinitan, tila wala kang mapipintas sa kanya – ang lahat ay perpekto.
“Magandang araw sa inyo. Ako si Mrs. Valencia,” pakilala nito na medyo ikinabigla ko. Hindi ko akalaing ganito pala kabata ang magiging amo ko. Inaasahan ko pa naman na matandang ulyanin na ang aking amo dahil sa biyuda na ito. “Ngayon ang magiging unang araw niyo. Isipin niyong tahanan niyo na rin ang aking bahay. Wala kayong ibang gagawin kundi ang maglinis at maglaba. Ang pagluluto ay gawain na ni Aling Fely,” patungkol niya sa pinakamatandang kasama namin.
“Libre ang pagkain at tirahan. Sa kwarto sa dulong kanan ang inyong magiging tulugan. May katanungan pa ba kayo?” tanong niya. Napailing na lamang kami. “O siya! Babalik na muna ako sa aking kwarto at ako’y nanghihina,” aniya at saka pumanaog paitaas.
Naging abala ang mga mata ko sa paggalugad sa kabuuan ng bahay. Sobrang ganda na animo’y loob ng isang mansyon. Busog na busog ang aking paningin sa kagandahang nakikita. Natigilan lang ako nang bigla ay magsalita si Aling Fely.
“Umuwi na kayo habang may pagkakataon pa,” aniya at saka binigyan kami ng misteryosong tingin.
Napatingin kami sa isa’t-isa at sabay-sabay na napakunot ng noo. Medyo nahiwagaan kami sa naging turan ng matanda. Hindi ko tuloy mawari kung ano ang ibig niyang pakahulugan sa kanyang litanya.
Kinagabihan, nakatulog na ang dalawa kong kasamahan samantalang ako ay tila namamahay. Hindi naman ako ganito sa mga nakaraan kong amo, madali naman akong nakapag- aadjust . Pero iba ang gabing ito, tila may bumabagabag sa dibdib ko.
Nang hindi pa rin magawang dalawin ng antok, lumabas ako ng kwarto ko at sinubukang maglakad-lakad pero kapansin-pansin na may padlock ang pintuan mula sa loob. Ganito ba kahigpit ang seguridad nila na pati mismo sa loob ay nakakandado?
Sinubukan ko na lang bumalik sa kwarto ko nang bigla akong makarinig ng mahihinang ungol mula sa taas. Maingat akong umakyat sa hagdan, pinakikiramdaman ang ungol na palakas nang palakas sa aking paglapit.
Doon ko lamang nakumpirma na ungol ng iniindang pananakit ang aking naririnig. Tila nanghihina ang boses na iyon dahil sa sakit na kanyang nararamdaman.
Mas lumapit pa ako sa tunog. Halos paghinga ko na lang ang aking naririnig maliban sa ungol. De-bilang ang bawat kong paghakbang, nag-iingat na hindi makalikha ng kahit anumang ingay.
Mula sa isang babae…
Tatlong pinto mula sa kaliwa ang pinanggagalingan ng kakaibang tunog. Nakaririnig na rin ako ng ibang boses na tila nagsasalita. Pinilit kong unawain ang mga boses.
“A-Ano po ang gusto niyong gawin ko?” kinakabahang sabi ng isang boses na sa tingin ko ay kay Aling Fely.
“Ikuha mo ako ng makakain. Masakit na ang aking sikmura,” ani ng isa pang boses na sa tingin ko ay si Mrs. Valencia. Mas lumapit pa ako, tama lang upang mas maging malinaw ang naririnig ko.
“Pero hindi na magiging sapat ang karne para sa isang Linggo kung kakain ulit kayo. Alam mo namang hindi pa natin sila pwedeng katayin,” saad ni Aling Fely.
Napakunot noo ako. Ano kayang ibig sabihin nila sa hindi pa pwedeng katayin at sino ang tinutukoy nilang ‘natin’? Hindi ko tuloy maiwasan ang maghinala sa dalawang ito. Bakit hindi na lang kumain si Mrs. Valencia kung nagugutom siya? Ano bang hinahanap ng sikmura niya?
“Wa-wala akong paki! Nagugutom ako!” inis nitong sabi ngunit kakikitaan ng pagtitiis sa sakit. Mayamaya lang ay naririnig ko na ang kanyang mga paghikbi. “Ang balat ko… Ang balat ko…” aniya na tila isang baliw.
“Sige, ikukuha na kita. At h’wag mong sasabihin na hindi kita pinigilan,” pagbabanta ni Aling Fely.
Bago pa man lumabas ng kwarto si Aling Fely ay mabilis na akong nagtago sa loob ng kabilang kwarto. Mahirap na at baka masabihan pa akong tsismosa at mapatalsik ako rito.
Naiwan ang napakaraming katanungan sa aking isipan. Dagdagan pa ng hiwaga ng dalawang iyon na animo’y may maitim na lihim.
To be continued… https://www.wattpad.com/164701901-alas-tres-ng-madaling-araw-kagandahan-part-2
Kagandahan (Part 2)
Continuation…
KAGANDAHAN (Part Two)
Kinaumagahan, sinimulan na namin ang paglilinis ng buong bahay. Nakatoka ako sa paglilinis sa sala at sa kusina samantalang ang dalawa ay naghati sa mga kwarto sa itaas. Una kong nilinis ang kusina dahil sa medyo masangsang na ang amoy dito. Nakapagtataka tuloy kung nagagawa bang linisan ito nang wala pa kami.
Pumwesto ako sa pinakasulok, katabi ng pridyeder, upang doon magsimula pero halos magbara ang ilong ko nang may maamoy na bulok. Hindi ko tuloy maiwasan ang mapangiwi at mapaatras.
Doon ko lamang napagtanto na ang puting nakikita ko ay hindi dumi kundi mga gumagapang na uod. Lalo akong nandiri at halos masuka. Hindi ko yata maaatim na lapitan ang sulok na iyon. Sa palagay ko ay mula sa pridyeder ang mantsa sa sahig na inuuod.
Napansin ko na may kandado ang naturang pridyeder na halatang pinagawa talaga para hindi matuklasan ang loob nito. Hiwalay pa ang pridyeder na ito sa ginagamit naming pridyeder kung saan makikita ang mga sangkap sa pagluluto at tubig.
“Anong ginagawa mo?” Nagitla ako nang marinig ang boses na iyon mula sa aking likuran. Nabitawan ko tuloy ang hawak kong pamunas.
Si Aling Fely, nakatingin lang sa akin habang nag-aabang ng magiging sagot ko. “Ah… Eh… Dito po kasi ako nakatokang maglinis. Naghati-hati po-”
“Umalis ka na habang may pagkakataon,” aniya na nagpatigil sa akin sa pagsasalita.
Napakunot ako ng noo. “Bakit naman po?” pagtataka ko.
“Hindi mo nanaisin pang malaman,” aniya.
“Anong hindi nanaisin malaman?” narinig kong sabat ni Mrs. Valencia. Parehas kaming nabigla ni Aling Fely sa bigla niyang pagsulpot.
“W-wala iyon. Mauna na ako,” palusot ni Aling Fely at mabilis na umalis. Naiwan naman kaming nagkatinginan ni Mrs. Valencia. Dahil sa hiya ay napayuko na lang ako at bumalik sa naudlot na ginagawa.
Sumapit na naman ang gabi, gano’n pa rin ang nangyari. Hindi ko pa rin magawang makatulog dahil sa daming iniisip. Tumayo muna ako sa higaan ko at lumabas ng kwarto upang uminom ng tubig.
Sa pagbaybay ko papuntang kusina, nakarinig akong muli ng mga boses. Awtomatiko namang nagtungo ang mga paa ko sa pinanggagalingan ng mga ito. Hindi ko mapigilan ang sarili kong hindi makinig sa kanilang pinag-uusapan.
“Ito na ang huling karne at dugong mayroon tayo,” ani Aling Fely.
Dugo? Karne? Ano bang klaseng hilig mayroon ang aming amo? Nakapagtataka na talaga sila.
“Katayin na natin ang isa sa kanila,” walang ano-anong sabi ni Mrs. Valencia.
Parang iba na ang pakiramdam ko sa pinag-uusapan nila. Parang may mali…
Ibang umaga ang bumungad sa amin kinabukasan. Nagising akong dalawa na lang kami ng kasama kong namamasukan. Tinanong namin si Aling Fely kung saan pumunta ang kasamahan namin dahil wala na rin ang mga gamit nito sa dati nitong kinalalagyan. Hindi naman siya maaaring tumakas sa kadahilanang nakakandado ang pintuan tuwing gabi.
“Nagpaalam na si Ruby na uuwi ng kanilang probinsya. Ganoon naman kasi talaga sa mga edad niyo, hindi matitiis ang mawalay sa pamilya,” aniya. Mabilis naman kaming nakumbinse ng isa ko pang kasama at pinilit na isang normal na araw lang ang nangyari.
Natoka na naman ang paglilinis ko sa kusina. Pero tila yata’y hindi na naman nagawang linisin ang parte ng bahay na iyon dahil sa nakasusulasok nitong amoy na agad na bubungad. May mga langaw rin na naglipana sa paligid na kung saan-saan ay dumarapo.
Ilang oras lang ay natapos na ako. Napili kong magpahinga muna sa labas upang makalanghap ng sariwang hangin. Maigi rin ito para maarawan naman ako paminsan-minsan.
Naglakad-lakad ako hanggang sa makaabot ako sa likod bahay. Naabutan ko roon si Aling Fely na nagsisiga. Kapansin-pansin ang mga ilang bagay na inihahagis niya sa nag-aapoy na loob ng dram. Nang hugutin niya ang isang bagay mula sa ibaba at tangkaing ihulog sa dram, doon ko lamang napansing damit pala ang mga iyon.
Sino naman kaya ang nagmamay-ari? Hindi kaya…
Nakabuo ako ng isang konklusyon, ang lahat ng kakaibang ikinikilos nila ay unti-unti ko ng napagtatagpi. Ang huling bagay na naiisip ko na lang ay ang pakinggan muli ang kanilang magiging pag-uusap mamayang gabi.
Tulad ng naging plano, maingat ulit akong nakinig sa kanilang pag-uusap kinagabihan. Napansin kong bukas na ang pintuan, mas malinaw ko ng makikita ang loob ng kwarto ni Mrs. Valencia.
Mula sa nakabukas na pinto, kitang-kita ko ang pagkain niya.
Binti… Binti ng tao!
Halos bumaliktad ang sikmura ko dahil sa pandidiri. Sinamahan pa ang karne ng dugo ng tao. Sinong tao ang makakaatim na kumain ng ganyan? Hindi ako nakasisigurong tao ang tamang deskripsyon sa kanya.
Isang halimaw!
Gusto kong iluwa ang lahat ng nakain ko ngayong gabi. May pakiramdam ako na karne rin ng tao ang pinapakain nila sa amin. Nanginginig ang buo kong kalamnan dahil sa tumatakbo sa aking isipan.
“Elsa?” rinig kong sabi mula sa aking likuran.
Hindi naman ako kaagad na nakalingon. Nanatili ako sa aking pwesto hanggang sa mahanap ko ang aking pakiramdam. Hindi ko alam ang mga tamang salita para mailigtas ako.
“N-naghahanap lang ako ng banyo,” palusot ko. Napakagat-labi naman ako sa katangahan ng aking palusot. Wala na akong ligtas!
“Doon sa ibaba, malapit sa kusina,” ani Aling Fely na parang sinasadyang paniwalaan ako.
“M-maraming salamat,” saad ko pero hindi ko pa rin siya nagawang tingnan sa mata.
Dali-dali akong umalis doon. Gusto ko ng makaalis sa pamamahay na ito, hindi na ako makatatagal at baka ako pa ang gawing panghapunan ni Mrs. Valencia. Hindi ko na rin kinuha ang mga gamit ko at babalikan ko na lang kapag nakatawag na ako ng mga pulis.
Naalala kong nakakandado pala ang pinto. Hindi rin ako maaaring dumaan sa mga bintana dahil sa may bakal na harang ang mga ito. Ang tanging alam ko na daan ay ang sa terasa pero bago makadaan doon ay kailangan ko munang bagtasin ang kwarto ni Mrs. Valencia.
Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, mabilis akong tumakbo hanggang sa umabot sa ikalawang palapag at marating ang terasa. Medyo mataas ang kahuhulugan ko kapag nagkataon pero kung buhay ko naman ang magiging kapalit ng pamamasukan ko dito, ’di bali na lang.
Buong tapang akong tumalon. Mapalad ako na hindi ganoon kagrabe ang sinapit ko mula sa pagkakahulog.
Mabilis akong humingi ng saklolo sa kinauukulan. Agad naman silang naniwala sa akin at ginalugad ang bahay ni Mrs. Valencia. Nakita mula sa kanilang bahay ang pinaghati-hating katawan ni Ruby at ang ilang buto sa dram na hindi pa rin nagiging abo. Nailigtas din ang kasamahan ko sa tangkang pagpatay.
Samantala, nawala naman na parang bula si Aling Fely. Hindi nila makita kahit saang sulok ng bahay ang matanda. Saan kaya siya pumunta?
Inamin naman ni Mrs. Valencia ang kanyang ginawa. Nagawa niya lamang iyon para sa panghabambuhay na kagandahan . Ayon kasi sa kanyang kaalaman, mananatili ang kanyang taglay na kagandahan kung kakain siya ng karne ng mga dalaga. Mas mainam daw itong remedyo sa tumatanda niyang balat.
Napag-alaman din namin na nagkaroon siya ng anak ngunit maging ang ito ay kinain niya. Iyon din daw ang unang karne ng tao na kanyang kinain na lalong nagpahumaling sa kanya.
Hindi ko maiwasan kung anong sumagi sa isipan ni Mrs. Valencia at nagawa niya ang mga ganitong bagay. Kagandahan? Siguro, oo. Dahil masyado siyang humaling dito, na ito na lang ang nagpapatakbo ng kanyang buhay.
Kaya kayo, kung gusto mong gumanda, payong kaibigan, atin-atin lang, masarap ang karne ng tao lalo na kung sariwa.
Pangitain
PANGITAIN
Pangkaraniwan na sa lahat ng tao ang dalawin ng panaginip sa kanilang pagtulog. Sinasabing ito ang paraan upang makatakas ka sa reyalidad at pansamantalang namnamin ang ninanais na pangarap. Ang ilan ay inihahalintulad ang paanginip sa bagay na mahirap abutin, isang tala na imopsibleng nakawin.
Pero ibahan niyo ako, dahil sa daan-daan kong panaginip, may iisa silang pagkakahalintulad.
Ang lalaking iyon… Ang lalaking iyon na hindi ko man lang kilala. Ang lalaking iyon na hindi ko pa nakikita sa reyalidad. Ang lalaking iyon na laging nagpapakita sa aking panaginip at lagi akong pinagmamasdan. Ang lalaking iyon na sa panaginip ko lang nakilala.
Umaga ng ikatlong araw ng Agosto, kasalukuyang taon, dumalaw na naman ang lalaking iyon sa aking panaginip. Hindi ko tuloy mawari kung ano ang gusto niyang ipahiwatig, isang pangarap o isang babala. Medyo nasanay na rin siguro akong makita siya sa aking mga panaginip.
Bumaba ako mula sa aking kwarto na nangungusot pa ang mga mata, bagsak ang mga balikat at parang bata na ninakawan ng tulog. Nadatnan ko naman si Mama na naghahanda ng makakain para sa almusal sa hapag.
“Magandang umaga, Wilma,” bati niya sa akin. Napansin kong nangunot ang kanyang noo nang makita ang itsura ko. “Nakatulog ka ba nang maayos? Bakit bagsak ang mga mata mo?” nag-aalala niyang sabi.
Inusog ko ang upuan at saka naupo sa harapan ng hapag. “Nanaginip na naman po kasi ako,” magalang kong sagot at saka kumuha ng plato.
“’Yong lalaki na naman bang laging nadalaw sa panaginip mo?” Napatango ako sa tanong niya. “May pagbabago ba?”
Sandali akong napaisip at inalala ang kaninang panaginip. Nakapagtatakang lagi sa aking panaginip, malabo ang tagpuan at maging ang tauhan. Ang tanging malinaw lang ay ang liwanag na kulay asul at pula, ang pulang likido sa aking paanan at ang lalaking iyon na hindi ko pa rin kilala.
“Palapit na siya nang palapit sa akin,” sagot ko sa kanyang tanong na may pagtataka. “Mas malapit na siya kaysa mga naunang panaginip.”
Natahimik si Mama at saka ngumisi. “Aminin mo, baka siya na ang mapapangasawa mo?” pagbibiro niya na sinabayan niya ng pagsundot sa aking tagiliran.
Napaliyad naman ako sa ginawa niya. “Mama naman!” natatawa kong sabi sa kanyang biro. Napailing na lang ako at saka nagsalok ng pagkain sa aking plato. “Pero hindi ko pa rin mawari kung bakit lagi siyang nasa panaginip ko. Ano kayang gusto niyang ipahiwatig?” nagtataka kong sabi kay Mama.
“Hindi natin alam,” aniya at saka nagkibit-balikat. “O siya! Bilisan mo na ang pagkain. Baka ma-late ka pa n’yan sa klase mo,” saad niya na agad ko namang sinunod matapos makitang alas siete y media na.
Dahil sa medyo nagmamadali na ako, patakbo akong pumunta sa sakayan. Nasa looban kasi ng subdivision ang bahay namin kaya kinakailangan mo talagang maglakad hanggang sa labasan para lamang makasakay.
Sa aking paglalakad, hindi ko namalayan ang isang lalaki sa aking harapan. Nabangga ko ang kanyang balikat na nagdahilan para bumagsak ang bitbit kong libro.
“Sorry,” sambit niya nang yumuko siya para kunin ang aking libro. Nakasumbrero siyang itim na halos takluban ang kabuuan ng kanyang mukha. Sinubukan kong sulyapan ang kanya mismong itsura pero tila yata’y mas lalo niyang iniyuko ang kanyang ulo para hindi ko makita.
“Ayos lang,” tugon ko at saka mabilis din siyang umalis sa aking harapan nang walang anu-ano. Nakaramdam ako ng kakaiba sa lalaking iyon. Hindi ko mawari kung ano iyon pero tila mabigat sa pakiramdam.
Bigla kong naalala na kailangan ko na palang magmadali dahil mahuhuli na ako sa klase.
Natapos ang klase, pangkaraniwang araw lang ang nagdaan. Pero pakiramdam ko ay bugbog ang katawan ko dahil sa matagal na pagkakaupo.
“Sasabay ka ba sa akin ngayon?” tanong sa akin ni Mara, kaibigan ko, habang nag-aayos ako ng aking gamit.
Umiling ako bilang tugon. “Hindi na muna siguro ngayon. May dadaanan pa kasi ako, e,” tugon ko.
Ngumiti siya sa akin at sumenyas ng pamamaalam. “Sige, mag-iingat ka na lang, ah. Paalam na!” aniya at saka naglakad na papalayo.
“Paalam!” saad ko. Matapos kong ayusin ang aking bag ay handa na akong umuwi. Napagpasyahan ko na uwian si Mama ng paborito niyang garlic bread at apple juice. Tiyak na matutuwa siya sa pasalubong ko.
Nilakad ko na lang pauwi ang bahay. Walking distance lang naman ang bahay namin at para na rin madaanan ko ’yong tindahan na bibilhan ko ng garlic bread at apple juice. Napapangiti tuloy ako sa tuwing maiisip ang magiging itsura ni Mama mamayang pag-uwi ko.
Halos palubog na ang araw at nagsisimula ng sumilay ang mga bituin sa kalangitan. Nag-aagaw na ang kulay ng kahel at lila sa malawak na kaulapan. Kailangan ko na ring magmadali dahil delikadong maglakad mag-isa sa kalsada. Sa ngayon kasi, talamak na ang mga mapangsamantala.
Ilang minuto lang ay narating ko na ang tindahan. Agad akong bumili ng garlic bread at apple juice. Matapos ’yon ay mabilis na akong naglakad pauwi. Panigurado namang hindi ako kagagalitan ni Mama dahil sa pasalubong kong dala.
Habang naglalakad, nakarinig ako nang maingay na tunog. Napalingon ako dahil doon at nakumpirmang mula iyon sa wangwang ng sasakyan ng pulis at ambulansya. Nakaramdam ako ng kaba nang mapansing patungo ang mga ito sa loob ng subdivision.
Naglakad ako nang mabilis, mas mabilis kaysa nauna. Hindi ko alam pero habang papalapit ako nang papalapit ay siya namang pabilis nang pabilis ng tibok ng aking puso.
“May hindi tama,” pag-uusig ko sa aking sarili.
Nang mawala sa aking paningin ang mga sasakyan ng pulis at ambulansya ay sakto ko namang dating sa kanto ng aming subdivision. Kung kanina ay kating-kati ang mga paa ko para makauwi pero tila yata’y bumaliktad ang sikmura ng mga paa ko, gusto nitong tumigil sa paghakbang.
Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Unti-unting naninikip ang dibdib ko sa paglapit ko sa aming tirahan.
Mayamaya lang, napansin kong nasa harapan na ako ng aming bahay. Bigla na lang akong napaluha. Hindi ko inaasahan ang makikita ko. Tila isang…
De javu. De javu na nangyari sa aking panaginip.
Naaalala ko na ang nangyari sa aking panaginip. Ang tagpuan na sadyang malabo ay ang mismong kalsada sa tapat ng aming bahay at ang mismong tirahan namin. Ang mga tauhan na hindi ko kilala ay mga pulis at usisero. Ang liwanag na kulay asul at pula ay mula sa nagliliwanag na ilaw ng ambulansya at sasakyan ng pulis.
Hindi ko mahanap ang pakiramdam ko, pilit kong inuunawa ang mga nakikita ko. Hindi ko magawang paniwalaan ang bumungad sa akin.
“Ma! Ma!” sigaw ko habang papalapit sa aming bahay. Pero bago pa man ako tuluyang makalapit ay mabilis akong hinarang ng isang pulis.
“Hanggang dito na lang po tayo,” aniya at saka iniharang ang mga kamay.
“P-Pero bahay namin ’yan! Nand’yan ang Mama ko!” sigaw ko. Naramdaman ko na lang na unti-unting nababasag ang boses ko at tuluyang kumawala ang kanina pang luha.
Naibagsak ko ang bitbit kong pasalubong na para sana kay Mama. Nabasag ang hawak-hawak kong apple juice at ang mga bubog nito ay nagtalsikan sa aking mga paa.
Dahan-dahang umaagos ang mga dugo mula sa aking mga binti pababa. Hindi ko nararamdaman ang sakit na likha ng mga sugat, ang atensyon ko ay nakatuon sa pag-aalala kay Mama. Ano kayang nangyari sa kanya?
Ang ingay ng mga tao sa paligid, ang ilan ay kakikitaan ng hilakbot sa kanilang mga mukha. Hindi magawang magproseso ng aking utak, hindi ko sila maunawaan. Ano bang mayroon?
Maraming katanungan na ang gumugulo sa aking isipan. Ngunit kahit isa ay hindi ko pa rin makitaan ng sagot. Maging ang katawan ko ay hindi magawang makabalik sa kanyang sistema. Para akong namamanhid, hindi makakilos, tila isang bato na kahit anong pilit ay hindi kayang yugyugin.
Nakarinig ako nang mga nababasag mula sa loob ng bahay. Paulit-ulit ang ingay na tila sinasadya.
“Maghanda kayo,” ani ng isang pulis. Inilabas nila ang isang speaker na karaniwang ginagamit kapag may nakawan o kidnap-an na nagaganap. “Mr. Lozada, pakawalan mo na ang biktima. Maaari natin itong idaan sa mabuting usapan,” saad ng pulis.
Napatigil ako nang banggitin ng pulis ang Mr. Lozada. Hindi kaya…
“Papa! Papa!” sigaw ko. “Papa! Papa!” Wala akong pakialam kung mamaos ako dahil sa lakas ng aking pagkakasigaw. Wala akong paki kung mapatid man ang mga ugat ko sa leeg.
Pinilit kong pumasok sa harang ng mga pulis. Gusto ko siyang makita. Matagal na. Simula nang abandunahin niya si Mama nang ipanganak ako. Hindi ko pa siya nakikita sa tanang buhay ko kaya’t sabik na sabik akong mahagkan siya sa unang pagkakataon.
Ilang sandali lang ay nakarinig ako ng putok ng baril sa loob ng bahay. Nabigla ako at natigilan sa narinig. Agad na pumasok sa aking isipan ang aking mga magulang.
“Papa! Papa!” sigaw ko habang patuloy sa pagbuwag sa nakaharang na mga pulis.
Matagumpay ko namang naialis ang kanilang mga kamay. Dali-dali akong tumakbo patungo sa pinto pero bago pa man iyon ay isang lalaking duguan ang damit ang lumabas mula sa aming bahay. Siya ’yong nabangga ko kaninang umaga lang!
Pagkalabas niya ay ilang putok ng baril ang umulan. Napahawak ako sa aking tainga dahil sa malakas na tunog. Hindi ko mabilang ang ilang balang tumama sa kanyang katawan. Nang tumigil ay siya ring pagbagsak ng kanyang katawan sa mismong paanan ko. Tumalsik ang ilang dugo sa aking paanan… tulad ng sa aking panaginip.
Nanginginig ako habang nasasaksihan ang karumal-dumal na itsura ng lalaki. Muli, naninigas ang aking katawan. Hindi ako makakilos. Gusto kong tumakbo papalayo.
Hindi ko namalayan na nakalapit na pala sa akin ang mga pulis. Ang ilan ay dire-diretsong pumasok sa aming bahay pero ako, nandito lang at hinihintay ang pwedeng mangyari.
“Patay na po ang nasa loob,” narinig kong sabi ng isang pulis pagkalabas nito ng bahay namin.
Hindi ko na nagawa pang makapagsalita. Parang gumuho ang aking mundo pansamantala. Tuloy-tuloy ang naging pag-agos ng aking mga luha. Ito na ba ang pangitain na lagi kong nakikita sa aking panaginip? Sana man lang ay nabalaan ko si Mama. Sana ay kasama ko pa siya. Sana. Nauwi sa sana ang lahat.
Tiningnan ko ang lalaking nakabulagta sa aking paanan. Siya ba ang aking ama? Siya ba ang pumatay kay Mama? Hindi ko namalayang inapakan ko na ang mismong ulo niya at idinikdik sa sementadong lupa. Galit na galit ako sa kanyang ginawa. Hindi ko siya mapapatawad!
Mabilis akong hinawakan ng mga pulis sa braso dahil sa walang habas kong pananapak sa walang kwentang ulo ng aking ama. Dapat lang sa kanya iyon! Kulang pa nga ang ginawa niya!
Ramdam ko ang panginginig ng katawan ko dahil sa galit. Hindi ko magawang kumalma matapos ang nangyari.
Matapos ang insidente, napag-alaman ko na bumalik ang aking ama para kunin ako ngunit hindi pumayag ang aking ina. Dahil sa mabigat sa loob ng aking Mama na ibigay ako kay Papa, nagawang patayin nito ang kanyang asawa.
Sa ngayon, naninirahan ako sa aking Lolo at Lola. Maayos naman na ang naging buhay ko. Maliban lang sa isa…
Nananaginip na naman ako. Bagong lalaki ang nakikita ko sa aking panaginip ngunit hindi ko pa rin kilala. Ngayon ay mas handa na ako sa maaaring mangyari kaya’t iwas na ako sa mga lalaki… maging sa aking Lolo.
e�[�“7�
Katok
Bagong dayo ako no’n sa Maynila dahil sa kailangan kong mag-aral doon ng kolehiyo. Sa isang lumang paupahan sa Tondo ako nakahanap ng matutuluyan, maliit ang espasyo ngunit mura naman kaya ayos lang. Hindi rin naman ganoon kalakihan ang kailangan ko. ’Yong sapat lang para malagyan ng aking mga gamit.
Nasa ikalawang palapag ang unit ko dahil sa ginawang bodega ang nasa ibabang mga unit. Hindi rin iyon pinapaupahan dahil kapag nabagyo ay inaabot iyon ng baha.
Lagi kong reklamo sa tuwing titira sa ibang lugar ay ang pagtulog. Hindi ako sanay matulog sa ibang bahay kaya kadalasan, inaabot ako ng alas-tres para lamang dalawin ng antok.
Pero tila yata'y may isang gabi na tuluyang hindi magpapatulog sa akin, isang gabi na aabutin ng umaga na mulat ang aking mga mata. Bangungot na hindi ko na hihilingin na muling danasin sa tanang buhay ko.
Linggo ng gabi, napagpasyahan kong mag-aral para sa gaganaping pagsusulit namin sa susunod na araw sa asignaturang Law. Hindi biro ang mag-aral ng batas, nandyan ang malalalim na salita na minsan mo lang nabasa, ang iba't-ibang cases na hindi mo mawari kung sino ang naagrabyado at dehado, at ang tambak na batas na kailangan mong saulohin na maging ang bantas ay dapat nasa tamang posisyon.
Halos tulog na ang buong paligid dahil sa sobrang katahimikan. Hindi mo mababakasan ng mga nagkalat na tao ang buong kalsada. Bihira ang ganito lalo na't nasa Tondo ako. Marahil ay Lunes kasi kinabukasan kaya maaga nagsitulugan ang mga tao.
"Ang hirap naman!" reklamo ko sa kapal ng inaaral ko. Nakakailang buklat palang ako ng pahina pero parang piniga na ang lahat ng talino ko sa katawan.
Bukod kasi sa hindi ko maintindihan ang mga nakasulat ay inaantok na rin ako. Pero kailangan kong mag-aral dahil tiyak na hindi ko na ito magagawa mamayang umaga.
Tanging ingay mula sa lumang electric fan at nililipad na papel ang nag-iingay sa aking gabi. Medyo malamig din ang paligid na marahil ay dahil sa nakabukas na bintana.
"Break muna," saad ko sa sarili nang mapansing nawawala na ako sa konsentrasyon. Inunat ko ang aking mga nangangalay na kamay at saka sumandal sa aking upuan. Pahikab-hikab pa ako nang mga sandaling iyon upang iwaglit ang sobrang pagkaantok.
Tumayo muna ako mula sa pagkakaupo at nagtungo sa kusina upang magtimpla ng kape. Sa pagtira ko sa Maynila, nakasanayan na ng katawan ko ang pag-inom nito na siyang ibang-iba sa ginagawa ko sa probinsya. Hindi ko hilig ang kape lalo na't kung walang asukal o
cream .
Matapos kong magtimpla ay bumalik ako sa aking pwesto. Napansin kong nilipad ang ilang pahina dahil lumihis ito mula sa kaninang pahina na binabasa ko.
Sumulyap ako sa bintana. Marahil ay likha ng hangin mula sa labas ang dahilan. Lumapit ako sa bintana at napansing wala palang kahangin-hangin na nagmumula rito. Nakapagtataka. Minabuti ko na lamang na isara ito para sa seguridad. Talamak pa naman ang magnanakaw sa panahon ngayon.
Naupo na ako pero parang may kakaiba. Naging masyadong malamig ang temperatura sa loob ng unit, para akong naka-aircondition. Ang lamig nito ay nanunuot hanggang sa aking laman. Napayakap na lang tuloy ang isang kamay ko sa aking sarili habang ang isa naman ay hinawakan ang mainit-init pang kape.
Humigop ako ng kapiraso at saka binalik ang konsentrasyon sa pag-aaral. Iwinaglit ko na lang din muna ang kakaibang nararamdaman.
Hindi ko namalayan ang takbo ng oras, halos sumapit na ang malaking hintuturo nito sa alas-tres. Mapalad ako dahil lagpas kalahati na ang naaaral ko. Mamayang tanghali pa naman ang pasok ko kaya may sapat pa akong oras para matulog.
Nakatatlong timpla na rin ako ng kape pero tila wala itong epekto dahil patuloy lang sa pagdalaw sa akin ang antok. Minsan ay maduduling na lang ako at mapupunta ang tingin ko sa pinakadulong parte samantalang kakabuklat ko palang ng bagong pahina.
Natigilan ako sa pag-aaral nang bigla ay makarinig ako ng maliliit na yabag. Tila nag-iingat ang bawat yabag nito upang hindi makalikha ng ingay.
Palapit ito nang palapit sa unit ko. Pinagmasdan ko ang pinto kung may kakatok pero wala. Naghintay pa ako pero tila guni-guni ko lang ang ingay. Nangunot tuloy ang noo ko dahil sa pagtataka.
Ibinalik ko na ang tingin ko nang maya-maya, ang hinihintay ko, ay may kumatok. Malayo ang bawat pagitan ng pagkatok, dahan-dahan at malumanay. Parang de-bilang ang bawat pagtatama ng kanyang kamao sa de-kahoy kong pinto.
"Sino 'yan?" sigaw ko pero wala akong nakuhang tugon. Nagpatuloy lang ang pagkatok.
Sa pagkairita ay lumapit na ako sa pinto at pinagbuksan ang kanina pang nakatok. Pagbukas ko ay sinalubong ako ng malamig na hangin.
Wala akong nakitang tao.
Tiningnan ko ang kahabaan ng hallway pero wala talaga. Malabong nakatakbo kaagad ang taong iyon dahil wala naman akong narinig na tumakbo. Marahil ay hindi unit ko ang kinakatok kanina. Masyado lang siguro ako nasobrahan ng kape at kung ano-ano na ang napasok sa aking isip.
Isinara ko na ang pinto at bumalik sa pagkakaupo. Lagpas alas-tres na at hindi pa rin ako natatapos sa pag-aaral.
Hindi pa man nag-iinit ang pwetan ko sa upuan ay naroroon na naman ang mga yabag. Mas mabigat na iyon kaysa nauna. Nakaririnig na rin ako na parang may humahalinghing mula sa isang lalaki.
Napatayo ako at inabangan muli ang paglapit sa unit ko.
Nagitla ako nang bigla ay kumatok na naman ito. Marahan akong lumapit sa pinto. Namuo ang butil-butil na pawis sa aking noo. Maging ang katawan ko ay kinakabahan na tila bibigay. Nakabibingi ang pagkalampag ng dibdib ko na parang kakawala anumang oras. A-Ano bang gusto niya?
Unti-unti kong inilapat ang tainga ko sa pinto. Bakit parang may kakaiba? Mas pinakinggan ko ng mabuti ang pagkatok pero tila yata'y mali ang aking hinuha.
Hindi sa pinto nanggagaling ang pagkatok!
Ginalugad ko ng tingin ang buong unit. Wala naman akong nakikitang kakaiba sa paligid, walang ibang nagalaw. Pero hindi pa rin nawawala ang katok, naroroon pa rin at malumanay.
Kinilatis ko ng mabuti ang tunog. Ngayon ko lang napagtanto na may kakaiba nga sa katok dahil parang malayo ito pero ang nakapagtataka ay umuugong ito sa buo kong unit.
Dahan-dahan akong lumapit sa tunog. Naroroon pa rin ang kaba at takot ko.
Napahinto ako sa lugar kung saan ko higit na napakikinggan ang ingay, sa ibaba ng kama! Lumunok ako ng laway at tinitigan ang ibaba nito. Buong tapang akong lumuhod at saka unti-unting iniaangat ang nakalaylay na tela.
Madilim. Wala akong gaanong makita.
Kinuha ko ang cellphone ko na nakapatong sa side table. Humugot ako nang malalim na hininga at saka itinutok ang liwanag na nagmumula sa aking cellphone sa ibaba nito.
Una kong sinuyod ang bandang ulunan at dahan-dahang iniikot ang liwanag sa kabuuan ng ibaba ng kama. Nagpaulit-ulit ako pero wala pa rin akong nakikitang kakaiba. Pero kumpirmado ko na nasa ibaba nga ng kama ang ingay.
Inusog ko ang kama ko at saka pumwesto sa dating kinalalagyan nito. Lumuhod ulit ako at inilapat ang tainga sa sahig.
Naging mas malakas ang ingay.
Pero maliban sa pagkatok ay nakarinig pa ako ng mga boses, tila boses ng panaghoy. Ang ilan ay umiiyak, ang ilan ay nagmamakaawa, ang ilan ay nasasaktan. Hindi ko maiwasan ang matakot. Mula ang ingay sa ibaba ng unit ko.
Umabot ang umaga at tila balisa pa rin ako sa narinig ko. Naroroon pa rin ang takot at sindak kahit ang lugar ay sinusulyapan na ng liwanag. Agad kong ipinagbigay alam ang mga narinig ko sa landlord. Mabilis naman siyang naniwala sa akin dahil hindi lang daw ito ang unang beses. Marami na rin ang nakasaksi ng kababalaghang bumabalot sa mismong apartment.
Ang ilan sa mga naunang umupa ng aking unit ay kapareha ng aking naranasan. Pero 'di tulad ko, mabilis din silang umaalis dahil sa takot na maulit pa ito.
Matapos ang pakikipag-usap ay dinala niya ako sa unit na nasa ibaba ng unit ko. Pagkabukas palang ay nakaramdam na ako ng mabigat at hindi maipaliwanag na presensya. Sumalubong din sa akin ang amoy ng sunog na bagay. Awtomatiko ko namang naitakip ang kamay ko sa aking ilong.
Napatingin tuloy siya sa ginawa ko. "Bakit?" tanong niya.
Nangunot ang noo ko. "Hindi mo ba naaamoy?"
Umiling siya. Medyo kinutuban ako na may mali sa nangyayari. Ako lang ba ang nakakaramdam sa kanya o sa kanila?
Mula sa nakikita ko, luma na ang pintura ng dingding nito na dati ay kulay puti. Wala ring makikitang natirang gamit sa loob, maaliwalas kumbaga. Puno na ng agiw ang bawat sulok ng unit. Tila napabayaan na ng tuluyan sa mga nagdaang taon.
Nakita kong bumuntong-hininga ang landlord bago nagsalita. "Base sa nakikita mo, hindi talaga bodega ang mga unit na nasa ibaba. Sadyang hindi ko lang talaga pinapaupahan ang mga ito," aniya.
Napatango na lang ako. Tama nga ang sinabi niya. Ang buong akala ko ay puno rito ng kagamitan. Hindi na rin naman kasi ako nag-abala para tingnan pa ang loob nito. Pero nakapagtataka namang hindi ito pinapaupahan.
"Ang tunay na dahilan kung bakit hindi okupado ang unit na ito at ang mga katabi nito ay dahil sa pangangalampag ng ispiritong nananahan dito. Gabi-gabi kasi ang pangangatok ng mga ispirito sa pader ng kwartong ito na dinig hanggang sa kabilang unit," paliwanag niya.
Bigla namang nagsitaasan ang balahibo ko dahil sa takot. Para tuloy tumabi sa akin ang mga tinutukoy niyang ispirito. Tila naging malamig ang buong paligid dahil sa naging kwento niya. Luminga-linga ako sa paligid.
"A-Ano pong bang nangyari sa kanila?" tanong ko habang yakap-yakap ang sarili.
Humugot siya ng malalim na hininga at nagpatuloy. "Pinatay sila ng kanilang mismong padre de pamilya. Ang tanging nagawa ng mga miyembro ng pamilya upang makahingi ng tulong ay ang pangangalampag sa pader," sagot niya.
Tila naging malinaw na sa akin ang lahat. Kaya pala nakaririnig ako ng mga pagkatok at sigaw ng pagmamakaawa. Nakalulungkot lang isipin ang sinapit ng pamilyang iyon. Hiling ko lang na makamtam na nila ang tunay na katiwasayan, na maabot na nila ang tunay na kaligayahan kung saan nananahan ang tunay na pag-ibig.
Dalawang taon na ako sa apartment pero hindi na ako nakatira sa dati kong unit. Lumipat ako para na rin sa aking katiwasayan. Kasalukuyan ng may nakatira sa dati kong unit. Hindi ko tuloy maiwasan ang mag-isip.
Nararamdaman din kaya nila ang naramdaman ko? Gaano kaya sila tatagal?
Kalaro
KALARO
Pamangkin ko si Gabbie sa nakatatanda kong pinsan na si Ate Sarah. Magkalapit kami ng loob ng aking pinsan hanggang sa siya ay bumukod para mag-asawa. Bilang panganay sa aming magkakapatid, si Ate Sarah ang tumayong nakakatanda kong ate.
Tuwing Linggo ay may lakad sina Ate Sarah at ang kanyang asawa kaya’t madalas ay ako pansamantala ang nag-aalaga sa limang-taong gulang na si Gabbie. Binabayaran nila ako ayon sa haba ng oras ng aking pag-aalaga, sakto rin dahil kailangan ko ng karagdagang pera para sa pag-aaral ko.
Hindi naman malikot na bata ang pamangkin ko. Sa katunayan nga n’yan, hindi siya palakibo tulad ng ibang bata na konting laro mo lang ay hahagikhik na. Madalas ay nagkukulong pa ito sa kanyang kwarto, nakalulungkot lang isipin na tanging mga laruan lang ang nagsisilbing kanyang mga kalaro.
“O sige, mauna na ako, Allan. Tandaan mo ang bilin ko,” aniya sa akin at saka ibinaling ang atensyon sa kanyang anak. “Magpakabait ka kay Kuya Allan mo, ah. Huwag masyadong magpapasaway,” bilin niya at saka hinalikan sa noo si Gabbie.
“Mag-iingat kayo, Ate Sarah,” saad ko. Kasabay no’n ay ang kanyang paglisan lulan ng sasakyan.
Hanggang sa makabalik ako sa sala, wala pa ring kibo ang batang si Gabbie, umupo lang siya sa tabi ko at pinagmasdan ang palabas sa telebisyon.
Minsan ng dinala nina Ate Sarah at kanyang asawa si Gabbie sa dalubhasa upang ipasuri ang kondisyon ng bata. Pero ayon sa naging resulta, hindi naman kinakitaan ng anumang sakit ang bata at sa katunayan ay malusog ito kumpara sa kanilang inaakala. Marahil ay dahil naninibago si Gabbie sa bago nilang tirahan ayon sa dalubhasa. Wala namang dapat daw ikabahala dahil kung saka-sakaling makakapag-adjust ang bata ay mabilis din itong gagaling.
Tiningnan ko lang si Gabbie na nakaupo sa aking tabi. Walang ekspresyon ang mukha nito. Hindi ko mabasa ang nilalaman ng kanyang isipan. Hindi lang siguro ako sanay sa mga batang tulad ni Gabbie.
“Hindi ka ba nagugutom?” tanong ko kay Gabbie. Hindi siya tumugon, tutok pa rin siya sa panunuod ng telebisyon.
Umusog ako ng kaunti upang makalapit sa kanya. “Hmmm. Gabbie, gusto mo bang maglaro?”
Nagitla ako nang bigla siyang humarap sa akin, nanlilisik ang kanyang maliliit na mga mata. Nakaramdam ako ng kaba nang mga sandaling iyon. Hindi ko mawari kung saan nanggagaling ang takot ko. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit kakaiba ang kinikilos ni Gabbie.
Inilapit niya sa akin ang kanyang mukha habang hindi pa rin inaalis ang mga titig. Naramdaman ko na lang na nanginginig ang mga kamay ko dahil sa takot.
“H-huwag kang maingay,” nahihintakutan niyang sabi. Nangangatal din ako kanyang labi. Naguguluhan na ako. “N-naririnig ka n-niya,” aniya at saka iginala ang pares ng mga mata sa paligid na tila nagmamatiyag.
“S-sino s-siya?” kinakabahan kong sabi. Mas nilapit niya pa sa akin ang kanyang mukha, sakto ang kanyang labi sa aking kanang tainga.
“Isang kaibigan,” tugon niya at humagikhik.
Bumalik siya sa dating pagkakaupo at nanuod muli ng telebisyon na tila walang nangyari. Nanatili akong naninigas sa posisyon ko, pilit inuunawa ang sinabi ni Gabbie. Hindi ko pa rin maintindihan kung sino ’yong tinutukoy niyang ‘isang kaibigan’. May parte ng utak ko na gustong makilala kung sino ba ’yon.
Nakasisiguro na ako na may kakaiba nga sa batang ito.
Dumaan ang magdamag na hapon, pinabayaan kong maglaro mag-isa si Gabbie sa kanyang kwarto. Hindi niya rin naman kasi ako pinauunalakan na saluhan siya sa paglalaro. Naririnig ko siya minsan na bigla na lang matatawa kahit na siya lang mag-isa. Napapatayo tuloy ako sa kinauupuan ko at titingnan kung may ibang taong nakapasok. Minsan ay naririnig ko rin siya na parang may kinakausap. Ipinagkibit-balikat ko na lang iyon sa pag-aakalang kinakausap lang nito ang kanyang mga laruan.
Gulong-gulo ang utak ko. Naghalo-halo na lahat, idagdag pa ang sinabi ni Gabbie. Medyo natatakot na nga rin ako kapag naaalala pa ang bagay na iyon. Para kasing may nakikita siya na hindi nakikita ng normal kong mga mata.
Bandang alas otso, tumawag si Ate Sarah para kumustahin si Gabbie, sakto lang dahil tulog na rin ang bata.
“Allan, kumusta si Gabbie?” aniya sa kabilang linya.
“Tulog na po siya Ate Sarah. Naglaro lang po siya buong araw,” magalang kong sabi.
Narinig ko siyang bumuntong-hininga sa kabilang linya. “Hmm. Allan, hindi ’ata kami makakauwi ngayon. Kung maaari, ikaw muna ang magbantay kay Gabbie hanggang bukas ng umaga,” pakiusap niya.
Hindi naman ako nagdalawang-isip. “Ayos lang po,” saad ko. Wala rin naman kasi akong magagawa dahil ayaw ko namang iwanang mag-isa dito ang pamangkin ko saka malaki ang utang na loob ko kay Ate Sarah.
“Maraming salamat, Allan. Sige, mauna na ako. Mag-iingat kayo d’yan.”
“Opo,” sagot ko at saka ibinaba ang tawag.
Mayamaya lang ay nakarinig ako ng tunog ng laruan, parang nagkakaskasang gulong. Napatingin tuloy ako sa taas sa pag-aakalang mula iyon sa kwarto ni Gabbie. Nagitla ako nang biglang sumulpot ang laruang kotse sa harapan ko. Napaisip ako kung naglalaro pa rin si Gabbie sa ganitong oras.
Dinampot ko ang laruang sasakyan at saka pumanaog sa ikalawang palapag, diretso sa kanyang kwarto. Masyado na kasing gabi para maglaro pa siya. Ayaw ko namang masisi ni Ate Sarah kung sakaling mapuyat siya.
Binuksan ko ang pinto at napansing mahimbing na natutulog si Gabbie sa kanyang kwarto.
“Sino naman kaya ang magpapaandar ng sasakyan na ito?” bulong ko sa sarili. Napakapagtataka. Hindi naman kasi kusang aandar ang sasakyan na iyon kung walang magpapatakbo.
Tumalikod na ako para bumalik sa ibaba nang mayamaya ay napansin kong may dumaan sa aking likuran. Mabilis akong napalingon sa likod at ginalugad ang buong kwarto. Binuksan ko ang ilaw at napansing wala namang kakaiba. Natutulog pa rin nang mahimbing si Gabbie. Marahil guni-guni ko lang ang napansing dumaan kanina.
Nagpalipas ako ng gabi sa sala. Doon ko na lang napiling humiga. Ayaw ko naman kasing matulog sa kwarto nila Ate Sarah dahil may mahahalagang gamit doon. Mabuti na rin ito kung may magtatangkang manloob ay mabilis akong maaalerto.
Alas dose na ng gabi pero hindi pa rin ako magawang dalawin ng antok. Mulat na mulat ang dalawa kong mata na tila ayaw pang bumigay. Minabuti ko na lamang na manuod ng ‘horror movies’ sa pag-aakalang mabilis na aantukin.
Pinatay ko ang mga ilaw at tanging ang liwanag mula sa telebisyon ang nagbibigay liwanag. Mas ramdam ko tuloy ang pinapanuod ko dahil sa nakakakilabot na paligid, samahan pa ng malakas na volume ng telebisyon.
Habang abala sa panunuod, hindi ko maiwasan ang igawi ang tingin ko sa hagdan. May pakiramdam kasi ako na may kung anong bagay ang bababa mula roon.
Natapos na ang palabas at halos alas tres na ng madaling araw. Medyo nakakaramdam na rin ako ng antok. Mabuti na lang talaga ay hapon pa ang klase ko kaya’t walang problema kung puyat ako ngayon.
Pinatay ko na ang telebisyon ngunit nabigla ako sa aking nakita. Mula sa repleksyong makikita sa telebisyon, nasa likuran ko si Gabbie! Napalingon ako kaagad sa aking likod at nakita ang pamangkin ko habang nakapikit.
Napalunok ako ng laway dahil sa takot. “G-Gabbie…” usal ko.
Nanatili lang siya sa aking likod. Hindi siya kumikilos. Paano siya nakapunta roon nang hindi ko nalalaman? Malakas ang pintig ng puso ko na tila may kakawala. Pakiramdam ko ay biglang lumamig ang paligid dahil sa sindak ko.
“G-Gabbie…” muling usal ko.
“Twinkle, twinkle little star…” rinig kong sabi niya.
“G-Gabbie…” Nagsisimula na akong lamunin ng takot. Nagsisitayuan na rin ang mga balahibo ko dahil sa hilakbot. Isa-isang nagbabagsakan ang butil-butil kong mga pawis dahil sa panlalamig.
“How I wonder what you are…”
Sandaling tumahimik. Nakakabingi ang katahimikan na umaalingawngaw sa bawat sulok ng bahay. Tanging kabog ng aking dibdib ang siyang nag-iingay. Pigil ang hininga ko tulad sa napanuod ko.
“G-Gabbie…” muli kong sabi.
Kasabay no’n ay ang malakas na sigaw ni Gabbie. Pabalang na sumara ang mga pinto. Napahawak naman ako sa tainga ko dahil sa ingay at napaupo. Parang pinipilas ang tainga ko sa lakas nito. Nakakangilo, nakapanghihina.
Ilang saglit lang nanaig na naman ang katahimikan. Nag-angat ako ng ulo ko at natagpuang wala na sa dati niyang pwesto si Gabbie. Saan naman kaya siya pupunta?
Luminga-linga pa ako pero wala na siya. Dahan-dahan akong naglakad. Maingat kong inihahakbang ang mga paa ko upang hindi makalikha ng ingay. Una kong tinungo ang kanyang kwarto. Hindi naman ako nagkamali nang makita ko siya roon na may kasama…
Isang batang babae.
Halos panawan ako ng ulirat. Hindi ko magawang makapagsalita dahil sa panunuyot ng aking lalamunan. Nanlalaki ang mga mata ko habang pinagmamasdan silang nakaupo sa gilid ng kama. Gusto kong magsisigaw pero tila umurong ang dila ko dahil sa takot.
“Tito Allan…” rinig kong sabi ni Gabbie ngunit hindi lumilingon sa akin.
“B-Bakit?” nasaad ko na lamang at saka humakabang ng kaunti.
“Hmmm. Magkamukha ba kami?” aniya at saka humarap ang dalawang bata sa akin. Napaupo ako dahil sa gulat. Hindi ko inaasahan ang makikita ko.
Walang mukha ang batang kasama ni Gabbie!
Napapaatras ako habang lumalapit sila sa akin. Hindi ko magawang buhatin ang sarili ko upang makatayo. Gusto ko na matapos ang araw na ito. Hindi ko na kakayanin kung magtatagal pa ako sa bahay na ito.
Kaunti na lang ang layo nila sa akin. Unti-unti na ring naglalabo ang paningin ko. Hindi ko na masyadong maaninag ang buong paligid. Pero sa huling pagkakatanda ko, halos isang dangkal na lang ang layo ng mga mukha namin. Kasabay no’n ay ang pagkawala ng aking malay.
Nagising na lang akong nasa sofa ako, bukas ang telebisyon at tila walang nangyari. Napabalikwas ako ng bangon nang maalala ang nangyari kaninang madaling-araw. Mabilis kong ginalugad ang paligid, parang isang normal lang na umaga.
Matapos ’yon ay dumiretso ako sa kwarto ni Gabbie. Napansin kong mahimbing pa rin siyang natutulog. Nakapagtataka tuloy. Marahil ay isang panaginip lang ’yon. Napapailing na lang ako kapag naaalala ang bagay na iyon.
Saktong alas otso na ng umaga, oras na rin para maghanda ng almusal. Dumiretso na ako ng kusina matapos mag-ayos ng sarili.
Habang nagluluto, naririnig ko ang mga yabag ni Gabbie na papalapit sa akin. Hindi ko siya magawang lingunin dahil sa abala ako sa pagluluto.
“Magandang umaga, Tito Allan,” bati nito sa akin.
Lumingon muna ako para batiin siya. “Magandang u-” Natigilan ako nang makitang walang mukha si Gabbie! Nagsisisigaw akong lumabas ng bahay nila. Panay lang ako sa pagtakbo upang makalayo. Hindi ko matatagalan ang batang iyon.
Humingi na lang ako ng paumanhin kay Ate Sarah dahil sa nangyari. Idinahilan ko na lang na kailangan ko ng umuwi pansamantala dahil may mahalaga akong aasikasuhin. Mabilis ko naman silang napaniwala. Sakto rin kasi ng pag-alis ko ay ang kanilang pagdating.
Pero sa tuwing tatanungin ako ni Ate Sarah kung maaari kong bantayan si Gabbie ay tumatanggi ako. Sinasabi ko na lang na may importante akong gagawin sa school dahil nasa kolehiyo na ako at kailangan kong pagtuunan ng pansin ang pag-aaral.
Kaya kayong mahilig mag-alaga ng bata, wala ba kayong napapansin sa inyong inaalagaan? Hindi ba kayo nagtataka kung bakit madalas ay tumitingin sila sa kisame o sa sulok kung saan madilim? Naranasan niyo na rin bang marinig silang humagikhik kahit na hindi nilalaro? Mag-iingat kayo dahil baka magaya kayo sa akin.
ajOA47}=
Our Father
A/N: This is unedited. Read at your own risk.
Nagising ako eksaktong alas-tres ng madaling araw. Medyo kinabahan ako kasi ayon sa sabi-sabi, ganitong oras madalas may magparamdam na mga masasamang espirito.
Nanalangin muna ako ng Our Father para maggabayan ako.
Nakaramdam ako ng panlalamig sa bandang batok ko. Nagsitayuan yung mga buhok. Medyo kinikilabutan na rin ako.
Pinagpatuloy ko lang ang pagdadasal. Mas nilakasan ko pa.
Lalong lumamig ang buong paligid ko kahit hindi naman kami de-aircon. Nanunuot sa laman yung lamig na nararamdaman ko.
Sinubukan kong matulog ulit pero pilit na gumigising yung diwa ko. Parang may dalawang pulang mata na nakatitig sa akin.
Isang batang lalaki na namumutla at lumuluha ng itim na dugo ang nasa tabi ko.
Sa bandang ulunan ko, pakiramdam ko pinagmamasdan ako ng matandang babae na putol ang mga kamay at walang mata.
Mas lalo ko pang nilakasan ang pagdadasal. Feeling ko, totoo yung imahinasyon ko.
“Our Father…”
“Our Father…”
Hindi ko matapos tapos yung dasal ko. Lagi lang tumitigil sa Our Father.
Ipinikit ko na lang yung mga mata ko at inisip na imahinasyon na lang ang lahat. Pinagpatuloy ko pa rin ang pagsasabi ng Our Father.
“Our Father…”
“Our Father…”
“Our Father…”
Dinilat ko yung mga mata ko. Nanlaki ang mga mata ko ng makita ko ang isang babaeng may mahabang buhok na nakalutang sa kisame at nakaharap sa akin.
Tumutulo ang mga dugo niya sa akin.
“Our Father…”
“Our Father…”
“Our Father…”
Hindi ko matapos ang sasabihin ko dahil sa takot na nararamdaman. Nanlilisik ang mga mata niya.
Lumapit siya sa akin habang lumulutang at bumulong siya sa akin…
“Tapos ka na ba sa Our Father mo?”
Maniwalang May Diyos (PART 1)
Maniwalang May Diyos
written by: misterdisguise
Pakaripas na tumakbo si Alyssa sa theatre ng kanilang paaralan matapos mapag-alaman na may isa na namang estudyante ang sinapian. Habol-hininga siyang nakipagsiksikan sa kumpol ng tao habang pinapanuod ang apat na lalaki na may bitbit sa kaibigan niyang si Christine.
“Ano na naman ba ang nangyari?” kinakabahan niyang tanong matapos makita ang kaawa-awang kalagayan ng kaibigan. Namumula ang bilugan nitong mata at halos pumutok ang mga ugat sa leeg dahil sa matinding pagsigaw habang hawak-hawak sa magkabilang mga kamay at paa.
“Sinapian daw,” sagot naman ni Leo na nasa kanyang harapan.
“Pangatlo na ’yan ngayong buwan, ah. Nakapagtataka naman dahil mga taga-teatro lang ang naaapektuhan,” saad niya habang hindi pa rin maikubli ang takot at awa na nararamdaman.
“May mga haka-haka nga na nabuo dahil sa mga trahedyang nagaganap.Ang sabi ng ilan, ang sinumang gumanap bilang Minda Mora ay sasapian ng babaeng nagmumulto sa teatro,” paliwanag nito.
“Ang sinasabi mo bang babae ay ’yong babaeng gumanap sa karakter ni Minda Mora na ginahasa at napatay? Pati ba naman namatay ay sisihin na rin? Malay mo ay dala lang ng gutom ang nangyayari,” depensa niya.
Tumango naman si Leo na animo’y nag-iisip lang ng ibabato na tanong kay Alyssa. Napahawak itosa kanyang baba bago nagsalita. “Lahat ng babaeng sinaniban ay gumanap bilang Minda Mora.Paano mo ipapaliwanag iyon? Hindi naman siguro nagkataon lang ang lahat,” saad nito.
Pero bago pa man masagot ni Alyssa ang tanong, tumigil sa pagwawala si Christine. Napuno ng katahimikan ang buong lugar.Walang gustong umimik, walang gustong huminga. Ang lahat ay inaabangan ang susunod na eksena.
“Ayos na kaya siya?” tanong ng isang usisero. Ngunit ang lahat ay nagimbal nang biglang sumigaw ng napakalakas si Christine at bumulwak sa bibig nito ang napakaraming dugo. Ang lahat ng mga nakakita ay nagsitilian dahil sapandidiri at kilabot.
“Isugod na natin siya sa ospital,” suhestyon ng isang lalaking may hawak sa kamay ni Christine. Sumang-ayon naman ang iba dahil may tyansa pang lumala ang nangyayari at baka ito pa ang ikamatay ng dalaga.
Nahawi ang kumpol ng mga tao sa pagdaan ng nagwawalang si Christine. Lahat ay takot na takot dahil sa kaawa-awang dalaga. Matapos mahatid ay nagsibalikan na rin sa kanya-kanyang gawain ang mga usisero at nagpanggap na walang nangyari.
Bago umalis ay hinawakan ni Alyssa sa balikat ni Leo. “Ako ang susunod na gaganap bilang Minda Mora.Papatunayan ko sa inyo na hindi totoo ang mga haka-haka,” lakas-loob niyang sabi.
Seryoso namang tumingin sa kanya si Leo na may bahid ng pag-aalala sa mata. “Siguraduhin mo lang na hindi ka mapapahamak sa gagawin mo. Hindi man tayo sigurado ay kailangan mo pa ring mag-ingat.”
Tumugon na lamang ng ngiti si Alyssa at dumiretso na sa pag-uwi. Nilalakad lamang niya ang daan patungo sa kanilang bahay dahil malapit lang naman ito. Habang naglalakad ay hindi pa rin niya maiwaksi ang itsura ng kaibigan na laging rumirehistro sa kanyang isipan.
“Totoo kaya ang sinasabi nila?Imposible naman siguro iyon dahil walang multo. Gawa-gawa lang ng malalawak na imahinasyon ng tao ang kanyang mga nakikita,” pangungumbinse niya sa sarili.
Hindi niya namalayan na ilang hakbang na lang pala siya sa kanilang bahay. Napansin niyang tahimik ang bahay mula sa labas. Pinihit niya ang doorknob ng pintuan at nakitang walang tao sa loob.
“Ma?” tawag niya sa kanyang ina ngunit wala siyang narinig na sagot. “Ano pa nga bang aasahan ko? Napakatanga ko talaga. Ako nga lang pala mag-isa dito,” saad niya sa sarili.
Tatlong taon ng nakalilipas nang iwan sila ng kanyang ama para ipagpalit sa ibang babae. Labis niya iyong pinagdamdam at ipinangako na hindi niya mapapatawad ang sariling ama. Pero higit pa roon ang sakit na kanyang naramdaman nang isisi sa kanya ng kanyang ina ang paglayo ng ama.
Muli niyang tinitigan ang nag-iisang larawan nila bilang isang buong pamilya.Iyon na siguro ang huling pagkakataon na naging masaya sila.
“Nakauwi ka na pala.” Halos tumalon ang kanyang puso dahil sa pagkabigla nang may magsalita.
“M-ma…” kinakabahan niyang sabi.
“Tinitingnan mo na naman ba ’yan?” bungad na tanong nito sa kanya.
“A-ahhh… e-eehh…”
“Hindi na babalik ang ama mo. Hindi na siya babalik nang dahil –” Hindi na nagawang magsalita ng kanyang ina nang bigla siyang sumingit.
“Nang dahil sa akin! Hindi ko naman kasalanan kung nambababae si Papa. Ginusto niya ’yon!Ayoko namang maging tanga ka habambuhay, Ma. Lagi na lang tayo bumabalik sa senaryo kung saan ako ang lagi niyong sinisisi sa pag-alis ni Papa,” naiiyak niyang sabi.
Hindi na naman niya napigilan ang kanyang emosyon. Marupok siya bilang babae pero natuto siyang maging matalas dahil sa kanyang ama na siyang nang-iwan at nag-abandona sa kanila.
“Kung binigyan mo lang siya sana nang pagkatataon, edi sana…”
“Edi sana ano?Buo pa tayo?! Hindi lahat ng tao ay dapat na bigyan ng second chance. Ayokong umabuso si Papa at ulitin na naman niya ang pambababae.” Naramdaman na niya ang likidong dumadaloy sa kanyang mga mata. Kahit ilang beses niyang sabihin na hindi na siya iiyak, para pa ring sariwa sa kanyang isipan ang mga masasakit na alaala.
“Magpapahinga na po muna ako,” saad niya at saka tumalikod sa kanyang ina. Umakyat siya sa kanyang kwarto at doon ibinuhos ang hinanakit sa ama at ina.
Marahil ay kaya siya nakapasok sa teatro ay dahil magaling siyang umarte lalo na sa pagtatago ng tunay niyang nararamdaman. Hindi alam ng nakararami ang pighating kanyang nararamdaman sa likod ng matatamis na ngiti.Isang masayahing Alyssa kasi ang gusto niyang malaman ng iba.
“Wala ba akong karapatan na maging masaya? Bakit lagi akong pinapahirapan?” tanong niya sa Diyos. May mga pagkakataon na hindi na siya naniniwalang may Diyos dahil sa patung-patong niyang problema. Sunod-sunod na lang kasi ang mga pighati at ni isa ay wala pa ring nasosolusyonan.
“Siguro ay panahon na para maniwala akong walang Diyos,” saad niya sa sarili.
Kinabukasan ay maagang pinapasok ang mga karakter na gaganap sa dulaan na Minda Mora. Kumpleto ang lahat maliban na lang sa tatlong babae na nabalitang sinapian kamakailan.
“Alam niyo naman siguro na nabakante na naman ang posisyon para sa karakter ni Minda Mora at kailangan na kaagad nating mapunan ’yon dahil sa susunod na buwan na ang pagtatanghal,” paliwanag ng kanilang theatre adviser. “So hahanap ako ng papalit kay Christine. May gusto bang pumalit?”
Buong kumpyansa na itinaas ni Alyssa ang kanyang kanang kamay. “Ako po, Mr. Quiambao!”
“Good, Alyssa. Ibibigay sa ’yo ni Luisa ang script mamaya. So that’s for now. Later, we will have our rehearsal. Pag-aralan mo muna Alyssa ang script, okay. Thank you, guys,” saad ni Mr. Quiambao at pumunta na sa backstage.
Agad na lumapit si Leo kay Alyssa matapos ang meeting. “Sigurado ka ba d’yan?” nangangamba nitong tanong.
Tulad lang ng dati, laging may ngiti ang kanyang tugon upang itago ang kanyang tunay na nararamdaman. “Ayos lang ako. Kaya ko ’to. Papatunayan kong mali ang inyong haka-haka.”
“Sige. Basta tandaan mo ang sinabi ko. Mag-iingat ka,” nag-aalala nitong sabi.
“Ako pa? Sige, aaralin ko na muna ’to. Mauna na ako sa ’yo.” Matapos ’yon ay tinalikuran na niya ang kaibigan upang maupo sa hilera ng silya malapit sa sulok ng teatro at doon ay pag-aralan ang kanyang skrip.
Isa-isa niyang binuklat ang bawat pahina at pinag-aralan ng mabuti ang bawat sasabihing linya.
“Marami-rami rin pala ito.Napasubo ’ata ako,” saad niya.
Natigilan siya ng biglang may maupo sa kanyang tabi, dalawang upuan ang pagitan mula sa kanya. Nakasuot din ito ng uniporme tulad ng sa kanya ngunit gusot-gusot iyon na tila hahabulin ng plantsa kapag nakita. Hindi niya makita ang mukha nito dahil bahagyang nakayuko ito at nahaharangan ng malagong buhok ang mukha.
“Miss?” tawag niya rito ngunit hindi ito sumagot.
“Miss?” tawag niya muli rito ngunit ganoon pa rin ang naging tugon.
Pilit niyang inabot ang babae upang kalabitin nang bigla siyang tawagin ni JP, isa sa mga kasamahan niya sa teatro.
“Alyssa, sinong tinatawag mo at ‘Miss’ ka ng ‘Miss’ d’yan?” pagtataka nito.
“Siya!” turo niya ngunit parang nawala ng parang bula ang babae sa kanyang tabi nang balikan niya ng tingin. “N-nandito lang siya kanina, e” pagpupumilit niya. Tumayo pa siya upang hanapin ang babae kung umalis ba ito.
“Baliw ka na ba?Kanina ka pa kaya walang katabi d’yan. Pero in fairness, ang galing mong umarte doon. Bagay talaga sa ’yo ang role,” saad nito.
Hindi na nag-abala pang sumagot si Alyssa dahil bigla siyang pinangunahan ng takot. Halos tumakas mula sa kanyang dibdib ang kanyang puso dahil sa bilis ng pagkabog nito. Nagsitayuan rin ang kanyang mga balahibo sa katawan.
“Sino kaya ’yon?” tanong niya sa sarili. Hindi siya mapakali sa tuwing maaalala ang babae. Hindi rin niya magawang makapag-isip nang mabuti dahil sa takot.
Ilang oras pa ang nakalipas ay tinawag na muli sila ni Mr. Quiambao para sa rehearsal. Agad naman itong lumapit kay Alyssa upang kumustahin siya sa progreso ng kanyang pagsasaulo.
“Ayos ka na ba, Alyssa? Unang parte palang naman ng dulaan ang ipapraktis natin.Huwag kang mag-alala dahil hindi naman kita pinipressure,” paliwanag nito.
“Ayos lang po ako, Mr. Quiambao,” tugon niya.
Nang malamang handa na ang lahat ay nagsimula ng magsiakyatan sa stage ang magsisiganap sa unang eksena. Naroong umakyat sina Alyssa at JPsa stage. Hinintay na lang nila ang magiging hudyat ni Mr. Quiambao sa pagsisimula ng praktis.
Napadako ng tingin si Alyssa sa lahat ng taong nasa loob ng teatro. Ito kasi ang unang pagkakataon naniya na gaganap bilang bida sa isang dulaan kaya walang pagsidlan ang kaba sa kanyang dibdib. Habang nililibot niya ng tingin ang lahat, napukaw ang kanyang atensyon ng isang babaeng tahimik na nakaupo, ilang distansya ang layo sa kanyang mga kasamahan.
“Let’s start na,” sigaw ni Mr. Quiambao. Dahil abala sa pagtingin sa misteryosong babae, hindi narinig ni Alyssa ang hudyat ng theatre adviser.
Nilapitan siya ni JP para kalabitin. “Alyssa, magsisimula na raw tayo.” Doon lamang bumalik sa realidad si Alyssa. Nang balikan niya muli ng tingin ang babae ay agad din itong nawala tulad ng kanina.
“Kanina ka pa ’ata wala sa sarili. Sino bang pinagkakaabalahan mong tingnan?” tanong ni JP at saka tiningnan ang kaninang tinitingnan ni Alyssa.
“Wala iyon,” pagsisinungaling niya.Matapos ’yon ay pumwesto na siya para makapagpraktis. Pero hindi pa rin niya maiwaksi sa isipan ang babae kanina. Kinakabahan siya sa tuwing maaalala na bigla itong nawawala at tanging siya lang ang nakakakita.
Naging maayos naman ang takbo ng pagpapraktis. Likas na kasi kay Alyssa ang pagiging magaling sa pag-arte kaya walang gaanong naging problema maliban na lang sa ilang linyang kanyang binabato. Nakakalimutan niya kasi ang kanyang mga linya dahil may pagkakataon na sumisingit sa kanyang isipan ng babae.
“Ang galing mo kanina, ah,” papuri sa kanya ni Pamela, isa rin sa mga aktres sa dulaang Minda Mora.
“Wala iyon.Siguro ay dahil kailangan ko rin talagang husayan dahil nalalapit na ang pagtatanghal,” mapagkumbaba nitong sabi.
“Sige, maiwan na muna kita. Ililigpit ko lang ang gamit ko para makauwi na,” saad ni Pamela at dumako na sa backstage.
Ipinikit na lamang muna ni Alyssa ang kanyang mga mata at isinandal ang katawan sa upuan para makapagpahinga. Medyo napiga rin kasi ang kanyang utak kaya kailangan niya ring mag-relax pansamantala bago umuwi.
Naramdaman niya na biglang may dumaan sa kanyang likod pero hindi na niya iyon pinagkaabalahan na tingnan.
“Napagod ka ’ata.Ang galing mo pala kanina,” narinig niyang sabi ng isang babae.Hindi niya makilala ang boses nito at ayaw niya rin kasing imulat ang kanyang mata. “Gusto mo bang hilutin ko ’yang ulo mo?”
Hindi na sumagot pa si Alyssa dahil biglang hinawakan ng babae ang kanyang namimintig na ulo. Napakasarap no’n sa pakiramdam dahil malamig ang kamay ng babae na siyang nagpapaalis ng kirot sa kanyang ulo.
“Ang galing mo namang manghilot,” aniya sa babae.
Pero pakiramdam niya ay unti-unting dumidiin ang mga kamay nito na animo’y bubutasin ang kanyang ulo. Idinilat niya ang kanyang mata ngunit nasindak siya sa kanyang nakita. Isang babaeng namumutla at puno ng dugo ang mukha ang bumungad sa kanya.
Napabalikwas siya ng bangon at nanlalaki matang binalikan ng tingin ang babae ngunit nawala rin ’to kaagad.Mabilis ang kabog ng kanyang dibdib. Maging ang kanyang kamay ay namamawis dahil sa takot na nararamdaman.
“Ayos ka lang ba?” tanong sa kanya ni Leo nang makita siyang takot na takot.
“A-ayos l-lang a-ako. Kailangan k-ko lang s-siguro magpahinga. Mauna na ako,” saad niya at saka nauna na sa pag-uwi.
Sinapo niya ang kanyang dibdib na kanina pa malakas ang kabog. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Ngayon lang siya natakot uli ng ganito. Pakiramdam niya ay kilala niya ang babaeng nagpakita.
“Hindi kaya siya ’yong babaeng sinasabi nila ?” tanong niya sa sarili.
Maniwalang May Diyos (PART 2)
PART II
Nagdaan ang ilang praktis at naging maganda naman ang naging resulta. Hindi na rin nakikita ni Alyssa ang babae na nagpakita sa kanya ng mga nakaraang araw. Mas maigi ’yon dahil mapagtutuunan niya ng pansin ang dulaan.
“Magsiuwian na tayo,” saad ni Mr. Quiambao sa lahat.
Kanya-kanya namang ligpit ang mga aktor at aktres sa dulaan sa backstage. Lahat ay gusto ng umuwi dahil sa pagod na nararamdaman.
“Gusto mo bang sumabay na sa akin sa pag-uwi?” alok ni Leo kay Alyssa.
Tumanggi naman siya sa pag-iisip na magiging abala lang siya. “Mauna ka na, Leo. May gagawin pa rin kasi ako, e,” pagsisinungling niya. Nadismaya naman sa naging sagot ang binata at nagpaalam na lang din kaagad.
Napansin ni Alyssa na siya na lang pala ang natitira sa loob ng theatre. Tiningnan niya ang kanyang relo at eksaktong alas-nuebe na pala ng gabi. Tama lang iyon dahil kung uuwi siya nang maaga ay baka mag-away lang sila ng kanyang Mama.
Iniayos na niya ang kanyang gamit at saka naglakad na patungo sa pintuan. Pero parang may humampas na yelo sa kanyang batok dahilan para magsitayuan ang kanyang buhok sa katawan. Napalingon siya sa likod at may nakitang ulo.
“May tao pa pala dito?” tanong niya sa sarili. Nilapitan niya ang natitirang tao para sabihin na isasara na ang school at baka masaraduhan pa siya.
“Miss…” tawag niya dito. Ngunit bigla itong lumingon sa kanya, napasigaw siya nang napakalakas dahil sa takot. Itim ang mga mata nito at namumutla ang mukha. Duguan din ang buong katawan nito pero nakasuot ng uniporme ng tulad sa kanila.
Napaupo siya dahil sa takot kasabay ang pagsayaw ng mga ilaw. Ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Halos panawin siya ng ulirat dahil sa kabang nararamdaman.
“Lumayo ka!” sigaw niya nang unti-unting lumapit ang babae. “Lumayo ka!” sigaw muli niya.
“Tulungan mo ako… Tulungan mo ako…” saad nito.
Napapikit na lang siya nang unti-unting maglapit ang mukha nilang dalawa. Mas nakakakilabot ang mukha nito sa malapitan. Hindi na niya kaya ang takot na nararamdaman.
Nang maramdamang tumahimik ang buong lugar, dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata. Pero sa kanyang pagdilat ay naging iba ang lugar. Napansin niyang nasa labas siya ng theatre at iba rin ang itsura ng kanilang paaralan.
“Nasaan ako?” takang tanong niya sa sarili. Tumayo siya para maglakad-lakad. Gabi rin nang mga oras na iyon pero hindi tulad ng gabi sa kanyang panahon.
Nakarinig siya ng sigaw ng isang babae sa ’di kalayuan. Hinanap niya kung saan nanggagaling ang ingay. Malapit iyon sa kabilang building ng kanilang school.
Nabigla siya nang makita ang tatlong guwardiya habang hinahalay ang isang estudyante. Gusto niyang lumapit upang tulungan ang babae pero may parte ng kanyang utak na huwag dahil maaari siyang madamay. Wala siyang magawa kundi ang umiyak.
Unti-unti ring bumabalik sa kanyang alaala ang itsura ng babae na nagpapakita sa kanya. Kamukha iyon ng babaeng ginagahasa.Nakaramdam siya ng panghihina nang mga sandaling iyon.Ganoon pala kasakit ang naramdaman nito bago siya mamatay.
Humihina na ang sigaw na naririnig niya hanggang sa mapansin niyang nakatingin na lang sa kanya ang wala ng malay na katawan ng babae.
“H-hindi… H-hindi…” nanghihina niyang sabi.
Pero narinig pala siya ng tatlong guwardiya at agad na tumingin sa kanya. “Sino ka?!” sigaw ng isa sakanya.
Dahil sa takot na mapahamak, kumaripas siya ng takbo para iligtas ang sarili. Iba pa ang itsura ng school kaya paniguradong wala siya sa kanyang panahon. Hindi niya rin alam ang pasikot-sikot dito.
Hindi niya namalayang ilang dipa na lang pala ang layo sa kanya ng tatlo nang marating niya ang main gate. Sinubukan niya itong buksan pero may kandado ito.
“Ito ba ang hinahanap mo?” tanong ng lalaki sa kanya habang hawak-hawak ang mga susi. Wala na siyang magagawa pa. Hinihiling na lang niya na isang panaginip na lang ang lahat.
“Swerte tayo!Dalawang magandang babae sa isang gabi,” saad ng isang lalaki.
Halos magpintig naman ang kanyang tainga sa narinig. “Pare-parehas kayong mga lalaki.Minamaliit niyo kaming mga babae dahil mahina kami. Parehas kayo ng aking ama. Ano bang nakukuha niyo sa pananakit? Ha?! Kaligayahan?!”
“Ano bang alam mo?” tanong pa ng isa.
“Minsan na akong sinaktan ng isang lalaki at hindi ko hahayaan na mangyari pa iyon,” aniya.
“Ang dami mong satsat. Hawakan niyo na ’yan!” utos ng isa sa dalawa pang guwardiya.
Nagulat naman si Alyssa sa ginawa ng mga ito. Hindi siya makapalag dahil hawak-hawak ng mga ito ang magkabila niyang kamay.“Bitawan niyo ako!” angal niya.
“Huwag ka na makulit. Magagaya ka rin naman sa isa,” anito sa kanya. Nabigla siya nang biglang lumapit sa kanya ito at sinira ang kanyang suot na damit. Matapos ’yon ay hinalikan siya nito sa leeg.
Diring-diri siya sa ginagawa sa kanya. Gusto niyang pumalag pero mahina siya para iligtas ang sarili. Ang tanging kaya niya lang gawin ay ang umiyak nang umiyak. Gusto niya ng sandigan sa panahon na ito. Bigla siyang may naalala. May nakalimutan siyang tao na siyang kailangan niya ngayon.
“Iligtas Niyo po ako. Please. Kailangan ko po Kayo,” saad niya habang nanghihina.
Gusto niyang ibalik ang dating binawi niyang pananampalataya.Ang kalinga ng Diyos ang kailangan niya. Gusto niya pang mabuhay. May mga bagay pa siyang gustong gawin.
“Gusto ko pa makita si Mama at si Papa,” saad niya.Sa pagkakataong iyon ay naiyak na siya. Naiiyak siya dahil hindi man lang siya naging masaya bago mamatay. Ganito talaga siguro sa tuwing malapit na ang iyong katapusan, kakapit ka talaga sa Maykapal.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at sa muling pagdilat niya, bumungad sa kanya ang mukha ng babae. Nakabalik na siya sa kanyang panahon. Bumalik uli ang takot na nararamdaman niya. Halos kumawala na naman ang kanyang puso sa kanyang dibdib. Nangangatog ang kanyang mga binti dahil sa matatalim na pagtitig nito sa kanya.
“H-hindi ako n-natatakot sa ’yo.M-may D-diyos.M-may Diyos. May Diyos!” pagkasigaw niya no’n ay umaliwalas ang mukha ng babae. Bumalik ang ganda nito bago namatay. Nakangiti na ito sa kanya ’di tulad nang kanina.
“Malakas ang pananampalataya mo. Ikaw ang kailangan ko. Sana ay matulungan mo akong makamtan ang hustisya,” anito sa kanya. Unti-unting nawawala ang kaba at takot sa kanyang dibdib.
“Ako?Bakit ako?” pagtataka niya.
“Dahil matapang ka. Sana ay matulungan mo ako,” saad nito at saka unti-unting naglaho.
Naging tahimik ang paligid. Wala na talaga ang babae. Masaya siya at nakaligtas siya. Marahil ay kung hindi niya muling sinuko ang sarili sa Diyos ay baka nawalan na siya ng pag-asa.
“Maraming salamat, Panginoon,” nakangiti niyang sabi.
Sinubukan niyang tumayo pero parang umiikot ang kanyang paningin. Naibagsak niya ang kanyang tuhod at saka sinalat ang nanakit na ulo. Nanlalabo rin ang kanyang paningin hanggang sa tuluyan ng lumaban ang dilim sa liwanag at bumagsak siya sa sahig.
Natagpuan na nakahiga si Alyssa sa loob ng theatre ng kanyang mga kasamahan. Naging maugong ang balita na nakaligtas si Alyssa mula sa pagsanib ng babaeng nagmumulto. Hindi na rin itinuloy ng paaralan ang pagtatanghal ng Minda Mora dahil sa sunod-sunod na trahedya.
Matapos ’yon ay ipinaalam ni Alyssa ang tungkol sa babae. Naging alerto naman ang buong kapulisan sa paghahanap ng hustisya para sa babaeng nagmumulto.
Naging maayos para kay Alyssa ang mga sumunod na araw. Pero may pagkakataon pa rin na nagpapakita sa kanya ang babae ngunit hindi gaya ng dati, maayos ang itsura nito. Lagi siya nitong nginingitian sa pag-asang may hustisyang makukuha para sa kanya.
“Maghintay ka lang. Laging may pag-asang nag-aabang,” saad niya sa babae at saka naglaho.
Nagitla siya nang biglang may yumakap sa kanya mula sa likuran. “Sino na naman ba ’yang kausap mo?”
“Wala po iyon, Ma,” aniya.
Matapos mabalitaan kasi ang nangyari kay Alyssa, pinagtuunan na siya ng pansin ng ina. Hindi na kasi nito kayang mawala pa ang anak. Ito na lang kasi ang mayroon siya at hindi na niya kakayanin kapag pati siya ay nawala. Mas naging maayos ang kanilang relasyon at naging mas matibay.
“Umuwi na po tayo, Ma.Magluluto ako para sa inyo,” masaya niyang sabi.
“Sige, anak.”
Tumingala siya sa langit at binanggit ang katagang, ‘Salamat.’
��F��

