Alipato
Terrorious · 4 chapters · 9,095 words
PAALALA
Ang kuwentong
Alipato
ay isang kathang-isip na historical boys’ love (BL) story na nilikha upang maghatid ng damdamin, tanong, at pagninilay tungkol sa pag-ibig, kapangyarihan, at kasaysayan. Bagama’t hango sa mga unang panahon, ang mga tauhan, lugar, at partikular na mga pangyayari sa kuwentong ito ay likha ng imahinasyon ng may-akda at hindi layuning magpakalat ng maling impormasyon o lapastanganin ang anumang personalidad, relihiyon, lahi, o ideolohiya.
Ang kuwento ay naglalaman ng temang maaaring hindi angkop para sa lahat ng mambabasa, kabilang ang mga temang politikal, romantikong tensyon sa pagitan ng kapwa lalaki, at mga eksenang may emosyonal o moral na hamon. Magsilbi sana itong paalala na ang layunin ng akda ay lumikha ng masalimuot ngunit tapat na pagsilip sa puso ng tao—anumang kasarian, katayuan, o panahon.
Para sa sining na nagsilbing mukha ng
Alipato
, taos-pusong pasasalamat sa gumawa ng pabalat na si
archiveofwords
. Ang inyong obra ay naging mahalagang bahagi ng paglalakbay ng kuwentong ito. Maraming salamat sa pagbibigay-buhay sa biswal na anyo ng mundong binuo sa mga pahinang ito.
KABANATA 1
Eladio Selvino
Luma at amoy alikabok ang silid-aralan sa lumang kumbento na ginawang eskwelahan. Makakapal ang dingding, maganda ang pagkakayari sa kisame, at ang mga luma’t kupas na bandila ng Espanya ay nakasabit pa rin sa gilid ng pisara. Ngunit hindi ako sa mga iyon nakatuon.
Wala rin ako sa leksiyon.
Tatlong araw na akong hindi nakikinig kay Maestro Adriano. At sa loob ng tatlong araw na iyon, mukha
niya
na ang laman ng papel ko.
Isa siyang larawan na hindi matapos-tapos.
Ngayon, nakaupo ako sa likuran, kunwari’y nagkukuwenta ng mga bilang sa tabla, ngunit ang lapis ko’y abala sa pagbuo ng isang ngiti.
Ang ngiting hindi ko kailanman nakita sa kaniya.
“Dalawang tambilang at dalawang tambilang, ilan? Tomas?”
“…Apat po, Maestro.”
“Muy bien. Julito?”
“Tatlong tambilang at isang tambilang po, apat pa rin po.”
Tama naman sila. Pero ako—wala akong pakialam sa tambilang. Abala ako sa papel sa ibabaw ng aking lamesa, na basang-basa na ng pawis ng aking palad.
Tatlong araw ko nang inuukit ang kaniyang nakangiting mukha.
Ngunit paano ko iguguhit ang ngiti na kailanman ay hindi pa naibigay sa akin?
Ang lapis ko’y makapal na ang dumi sa gilid, dahil sa paulit-ulit kong pagguhit ng kaniyang mga mata, ilong, at labi. Palagi kong binubura. Palaging mali. Palaging hindi siya.
“Ano ‘yan, Eladio?” sabay singhot ni Gaspar, at tinutok ang hintuturo sa papel ko.
Lumapit ang ilan ko pang kaibigan. Mga tsismoso. Mga walang silbi.
Tiningnan nila ang iginuhit kong imahe. Sabay-sabay silang napatawa.
“Ano ‘yan, halimaw?” ani muli Gaspar, nilalapit ang mukha sa papel ko.
Kung maaari ko lamang dukutin ang kaniyang mata at gawin siyang halimaw ay ginawa ko na. Pasmado ang bibig!
“Hindi ito halimaw,” bulong ko.
“Mas mukha nga siyang engkanto sa ilalim ng aking kobre kama!” natatawang dagdag ni Isidro.
“Ay hindi… kaluluwang gumagala!” hirit ni Clemente at lumakas ang pagtawa habang tinuturo ang mata ng guhit.
Napangiwi ako. Ang ilong ng ginuhit ko’y masiyadong matulis. Maling-mali ang pisngi. Hindi siya ito. Hindi nila nakikita kung sino iyon. At ako… ni hindi ko rin makuhang ayusin.
“Halimaw nga! Tignan n’yo ‘yong ngipin!” halos mahulog si Amado sa bangko sa kakatawa.
Sa aking inis ay tuluyan kong itinulak ang kaniyang silya, dahilan upang bumagsak siya. Ngumuso ako at tinitigan siya nang masama. Sa labis na inis ay pinunit ko ang papel.
Naputol ang tawanan. Nagkatinginan silang apat. Parang napansin nila ang pangungunot ng noo ko.
“Pasensiya na, Eladio,” sabay-sabay halos nila akong tinapik.
Hindi ako tumingin sa kanila. Pinulot ko ang piraso ng papel at tiniklop ito nang mahigpit sa aking palad.
Pero may tinig na pumunit sa katahimikan.
“Ano’ng ginagawa mo riyan, Selvino?”
Si Maestro Julian. At ako, palaging paborito niyang sermunan.
“Ikaw talagang bata ka! Mayaman ka nga, ngunit hindi ibig sabihin niyan ay puwede mong sayangin ang oras mo sa kalokohan!”
Lumapit siya sa akin habang nagsisimula nang tumawa nang mahina ang ilan.
Tinitigan ko sila nang masama at pinalobo ang aking pisngi, hudyat na ako’y nag-aapoy na sa galit. Dali-dali silang humarap at tumingin na lamang sa pisara.
“Selvino, huwag mong titigan nang masama ang iyong mga kamag-aral. Umayos ka nang iyong upo. Ngayon rin!” utos niya.
Huminga ako nang malalim at pagkatapos ay ibinaba ang isa kong paa na nakapatong sa aking upuan. Umupo ako nang tuwid at inihanda ang aking tainga sa kaniyang sermon na kadalasa’y mas mahaba pa kaysa sa kaniyang leksyon.
“Ikaw ang naglagay ng palaka sa sapatos ni Herminia. Hindi ba’t ikaw rin ang nagpasabog ng papel de hapon sa silid ng kura? At saka ikaw ang nahuling namimitas ng bayabas sa punong hindi sa atin!” panenermon nito.
Napakamot ako ng ulo. Ngumiti kahit kaunti sapagkat totoo naman ang kaniyang sinabi.
Hindi kaya’y paborito niya akong mag-aaral?
Lahat ng kaniyang sinabi’y totoo at may diin. Nakakatuwang mabilis na nakarating sa kaniya ang mga kalokohan ko kahapon. Hindi niya lamang na naisali ang pagtanggal ko sa pagkakatali sa isang kabayo dahilan kaya pumasok ito sa aming silid at maagang natapos ang aming klase.
“At ‘yang ngiti mo—akala mo ba’y hindi ko isusumbong ang lahat sa iyong ina?” itinuro niya ang aking nakangising labi.
Nawala ang ngiti ko. At nang marinig ko ang aking ina ay parang biglang lumamig ang hangin.
“Ano ba ang iyong pinagkakaabalahan? Ibigay mo nga sa akin ang papel na iyong hawak?” utos nito.
Nakatayo ito sa aking harapan at nakalahad ang kamay—hinihintay na ibigay ko sa kaniya ang papel na aking pinunit at ngayo’y gusot na sa aking palad.
“Maestro, ang totoo po’y kayo po ang aking iginuhit sapagkat… labis po akong natutuwa sa atensiyon walang sawa ninyong binibigay sa akin sa araw-araw,” ang aking tono’y napakalumanay na para bang totoo ang aking naging pahayag.
Matamis kong nginitian ang maestro at marahil ay dahil sa aking dalawang biloy sa magkabilang pisngi at maamong mukha ay napaniwala ko ito. Bago ko pa iabot ang papel kung saan naroon ang aking iginuhit ay nakita ko ang hindi pagsang-ayon nina Gaspar, Isidro, Clemente, at Amado. Waring binabalaan akong huwag ibibigay ang papel. Kumindat lang ako sa kanila. Masarap kasi kapag napapatawa ko ang buong klase—kahit pa si Maestro ay mapangiwi sa huli.
Kinuha niya ang papel. Tinupi ko pa ito nang maayos at may bahagyang drama sa paghahain, para kunwari’y may malaking sorpresa. Pagkabuklat niya, napakunot agad ang noo ni Maestro Julian.
“A-ako ba itong… tunay?” ang boses niya ay parang may halong pangamba. Para bang unti-unti niyang nakikilala ang nilalang sa papel.
Tumango ako. Nilakasan ko pa ang boses.
“Opo, Maestro. Para po sa akin, ay para po kayong
halimaw
!”
Tumahimik ang buong silid. Maging si Gaspar, na mahilig makisakay sa mga biro ko, ay napangiwi.
Pero ako, nagpatuloy pa.
“Hindi po ‘yung halimaw na masama… kundi ‘yung halimaw na matalino! Yung laging nakamasid. Malaki ang ilong, kasi naaamoy agad kung sinong hindi gumawa ng takdang-aralin! Tapos po, ‘yung tenga ninyo… parang tenga ng paniki! Kahit may bumubulong lang sa likod ng klase, naririnig ninyo!”
Ngumiti ako. Akala ko matutuwa siya. Akala ko matatawa rin ang klase.
Pero
hindi
.
Kumunot ang noo ni Maestro Julian, marahan ngunit puno ng panggigigil.
Hinila niya ang papel, pinilas ito sa harap ko. Tapos ay mariing tumingin sa akin.
“Eladio Selvino, sa labas ka! Ngayon din.” nag-aapoy na ang maestro sa galit.
“Po?” nagbingi-bingihan pa ako.
“Sa labas. At doon ka tatayo hanggang matapos ang klase. At kung iniisip mong mababawi mo ako sa ngiti mong bilog-bilog at mga biloy na ‘yan, nagkakamali ka.”
Narinig ko ang mahihinang tawanan sa likod. Si Gaspar. Si Clemente. Si Isidro. Si Amado.
Pero hindi ko sila tiningnan. Ayoko silang bigyan ng dahilan para matawa pa lalo. Labis ko na silang napasaya. Tumayo ako at lumabas bitbit ang kagamitan sa pagguhit.
Habang nakatayo sa labas ng silid, unti-unting nawala ang aking ngiti. Mag-isa na akong muli. Sa loob-loob ko’y pagsisisi. Hindi ko dapat iyon sinabi sa Maestro. Masama iyon. Palihim ko na lamang siyang bibigyan ng salapi o hindi kaya’y maari ko rin siyang iguhit.
Ang sabi nila, ako raw ang pinakamasuwerte sa buong San Rafael.
Ako raw kasi ang nag-iisang anak ng Don Ignacio Selvino—ang lalaking may-ari ng kalahati ng bukirin, kuwadra, at bahay-kalakal sa buong bayan. Sabi ni ama noon, hindi ko raw kailangang magbilang ng bayabas o magtanim ng palay. Sapat na raw na ngumiti ako sa mga bisita at huwag madumihan ang barong ko.
Pero sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit tinatawag nila akong masuwerte.
Pitong taong gulang lamang ako. Mas gusto kong gumuhit kaysa makinig sa mga tunog ng kampana tuwing klase. Mas gusto kong magtago sa ilalim ng mesa kapag inaatake ng inip kaysa sagutan ang mga tanong sa abakada. At mas gusto kong magpatawa—kahit palagi akong napapagalitan.
Mainit sa labas ng silid-aralan, pero hindi hamak na mas mainit ang tingin ni Maestro Julian sa akin kanina kaya mas pipiliin ko nang maluto sa araw kaysa sa luto ng kaniyang galit.
Umandar ang dalawang paa ko palayo sa pintuan, palusot sa gilid ng pasilyo, at diretso sa hardin ng paaralan. Kung tutuusin, hindi naman ako pinayagang magtago rito. Pero hindi rin ako sinabihang bawal magliwaliw.
Naniniwala ako sa kasabihang
hangga’t hindi ipinagbabawal ng batas at wala akong tinatapakang tao, ay maaari kong gawin
.
At saka sa liit kong ito ay imposibleng matapakan ko sila. Napatawa ako sa aking naisip.
May dalawang bangkong kahoy sa ilalim ng mga puno ng aratiles sa dulo ng hardin. Isa roon ang paborito kong tambayan tuwing tinatamad akong makinig kay Maestro Julian. Hindi niya pa ako nahuhuli rito.
Inilabas ko ang pangguhit ko at ang bagong papel mula sa aking bulsa.
Sayang ang iginuhit ko kanina. Napunit na. Pero hindi ako napipigil nang ganoon lang.
Umupo ako sa damuhan. Huminga nang malalim.
“Halimaw raw. Hindi ko pa kasi iyon tapos kaya’t hindi pa maganda,” bulong ko habang humahagod ang lapis sa papel.
Tahimik na tahimik sa hardin, kaya’t agad kong napansin nang may gumalaw sa kabilang upuan.
Isang batang lalaki na sa tingin ko’y mas matanda sa akin ng ilang taon. Nakasuot ng puting kamiseta, may suot na salamin, at may hawak na makapal na aklat na wari ko’y walang mga imahe. Naiisip ko pa lamang na magbasa nang katulad ng ganoon ay inaantok na ako.
Hindi ko siya narinig dumating o baka kanina pa siya roon. Hindi ko siya napansin. Tahimik siya tulad ng pusang dumadapo sa bubong.
Tumingin ako sa kaniya. Hindi siya tumingin pabalik.
Nakaupo siya roon, parang hindi ako naroon. Gusto ko sanang manatiling nakaupo sa damuhan subalit ayaw ko nang lamukin. Kaya ang ginawa ko, umupo ako sa kabilang dulo ng bangko, kahit ang lapit namin. Saktong may lilim din doon.
Tahimik. Walang nagsasalita.
Patuloy akong gumuguhit. Ilong. Mata. Isang kulot na buhok.
“Maganda ‘yung buhok ng ginuguhit mo.”
Napalingon ako. Siya pala’y nakasilip na sa ginagawa ko.
Mabilis kong tinakpan ang papel.
“Hindi ito halimaw,” mariin kong sabi, sabay taas ng kilay.
Umiling siya. “Hindi ko naman sinabing halimaw.”
Sinipat ko siyang mabuti. Tahimik siya pero hindi mukhang takot. Hindi rin siya nakatawa tulad nina Gaspar at ng iba pa.
“Kilala ba kita?” tanong ko.
Umiling siya. “Hindi. Pero palagi kitang nakikita sa hacienda. Sa kuwadra. Sa palayan.”
Napakunot noo ako.
“Ah… Anak ka ba ng isa sa mga tauhan sa aming hacienda?” tanong ko.
Tumango siya.
“Si Tatay ang kanang-kamay ng iyong ama. Ako si Mateo. Isa sa mga tagapangalaga ng inyong kuwadra at palayan.”
Kung gayon ay bakit hindi niya ako tinatawag na
Señorito
?
Mateo.
Parang narinig ko na ‘yon. Naririnig ko ‘yon kapag kasama ng aking ama ang mga lalaking nag-uusap tungkol sa lupa, kabayo, at mga ari-arian.
“Ako si Eladio,” sabi ko, kahit alam ko namang alam na niya iyon.
Nagpakilala pa rin ako. Kasi gusto kong sabihin sa kanya na hindi ako basta-basta.
Ngumiti siya. Hindi dahil pinilit, kundi dahil parang… totoo.
Tahimik uli.
Sa gilid ng mata ko, nakita kong tumitingin siya sa papel ko. Marahil ay naiiinggit sa angkin kong talento. Minsan ay aangat ang kaniyang tingin sa aking mukha at awtomatikong kukunot ang aking noo.
Bakit ba siya palaging nakatingin?
Kung may binabalak siyang guluhin ang aking obra maestra, ay nakahanda ang aking kamao.
Kung ilalarawan ko siya’y maaliwalas ang kaniyang itsura. Tahimik. Malinis. Parang hindi nadumihan kahit pa madalas daw siyang nasa bukid. May hawak siyang libro na parang mas mabigat pa kaysa sa akin.
Pero nang tiningnan ko siyang mabuti, naiba ang tingin ko.
Matangkad siya para sa edad namin. Napagtanto ko iyon nang tumayo ito at tumabi sa akin upang pagmasdang maigi ang aking iginuguhit. Hindi kasing tangkad ng mga binatilyo, pero parang may kung anong tikas sa paraan ng pagtayo niya—hindi tikwas ang balikat tulad ng kay Gaspar, hindi lupaypay tulad ng kay Isidro.
Tuwid ang likod niya. Tahimik pero matatag.
Suot niya’y simpleng puting kamiseta at pantalong may itim na sintas. Wala ni mantsa. Parang hindi siya galing sa putik, kahit halata sa mga palad niyang may kalyo na sanay ito sa trabaho.
Kayumanggi ang balat niya—‘yung kulay na parang laging tinatamaan ng araw pero hindi sunog. Mainit sa mata, pero hindi masakit tingnan. Matangos ang ilong, sakto lang. Mapula ang labi, pero laging tikom. Itim ang buhok—makinis, hindi inaayos pero maayos pa rin. Parang bihirang magsalita, at mas pinipili ang manahimik kaysa magsayang ng salita.
Maya-maya, tinuro niya ang mata sa iginuhit ko. “Mataas ‘yung kilay niya. Parang galit.”
Tumango ako at binura ang kilay ng aking ginuguhit. Tahimik kaming dalawa sa ilalim ng lilim ng puno. Ako, hawak-hawak pa rin ang lapis, at siya, abala sa pagbabalik ng pahina ng binabasang aklat. Ngunit sa hindi ko inaasahan ay tumigil muli ang kanyang mga mata sa aking papel.
“Ayan. Kamukha na ni Doña Celestina,” mahinahon niyang sabi.
Napalingon ako sa kaniya, nanlaki ang mata. “Ha? N-namukhaan mo ang aking ginuguhit?”
Isang maliit ngunit totoo’t taimtim na ngiti ang iginawad ko sa kaniya.
Sa ilang araw kong palihim na pagguguhit ng mukha ng aking ina, wala ni isa mang nakatumpak kung sino ang nais kong iguhit. Nang tanungin ko si Aling Rosa—ang aking nanay-nanayan mula pagkasilang—ay ngumiti lamang siya at pinisil ang aking pisngi, saka mahina’t alanganing nagsabi ng ibang pangalan. Marahil ay dala iyon ng lumalabo niyang paningin.
Ang mga kaibigan ko naman, gaya ng inaasahan, ay napatawa lang. Akala nila’y halimaw ang iginuhit ko. Isa raw nilalang sa kanilang bangungot, hindi isang ina na nakangiti sa akin.
Wala akong kapatid. Wala ring tunay na kaibigang mas matanda na maaaring tanungin kung maganda ba ang likha ko. Ang ilan sa mga katuwang sa hacienda ay iwas sa akin, dala marahil ng aking pagiging malikot at makulit—at marahil, dahil anak ako ng kilalang negosyante na si Don Ignacio na sadyang napakalupit.
Kaya’t ako’y nanahimik na lamang. Walang ibang tinanong. Walang ibang nilapitan.
At sa kanyang mga salitang iyon, kahit sandali, ay parang nabigyan nang saysay ang mga papel na aking nilukot, pinunit at tinapon.
Sa wakas ay kamukha na ito ni ina!
“Ginuhit ko siya sapagkat… bukas ang kaniyang kaarawan,” sabay yuko. “Wala akong ibang maisip na regalo.”
Tumahimik kami saglit, tanging ang lagaslas ng dahon at mga kulisap ang gumagambala sa katahimikan ng hardin. Hawak ko pa rin ang papel—ang iginuhit kong mukha ni Inay—at naroon pa rin sa dibdib ko ang munting ligaya. Sapagkat sa unang pagkakataon… ay may nakakilala.
Bago pa ako makapagsalita, biglang tumunog ang kampana mula sa silid-aralan. Malinaw, matinis—hudyat na tapos na ang klase ni Maestro Javier. Napatingin ako sa direksyon ng gusali, saka agad na tumayo.
“Babalik na ako,” sabi ko, muling inilalagay sa aking bulsa ang aking mga lapis. “Salamat, ha.”
Ngunit bago pa ako tuluyang makalakad palayo, muling nagsalita ang tinig na ngayo’y parang hindi ko na kayang balewalain.
“Kung gusto mo…” aniya, habang dahan-dahang isinasara ang kaniyang libro, “maaari kitang tulungang kulayan ‘yan. Sa kuwadra. Mamayang gabi. Alas siyete. Kung… nais mong pumunta?”
Napalingon ako sa kaniya. Naghihintay nang sunod niyang sasabihin.
“Para na rin sa… pasasalamat ko. Sa kabutihang ipinakita sa amin ng iyong pamilya.” dahilan niya.
Hindi ko na napigilang ngumiti, at marahan akong tumango. Hindi ko alam kung bakit, pero sa munting paanyaya niyang iyon, may kung anong panatag akong naramdaman. Parang may huni ng pagtanggap, ng tahimik na pag-unawa.
At nang lumakad ako pabalik sa silid-aralan, hawak pa rin ang papel, ay parang mas magaan na ang paglalakad ko kaysa kanina.
Mateo Ibañez
Mula sa lilim ng punong kalachuchi ay naririnig ko ang mga nagtatawanan, may binubulyawan ng guro, may tila may resitasyon. Ngunit sa ilalim ng init ng araw at sa pagitan ng mga alingawngaw ng klase, pinilit kong ituon ang pansin ko sa aklat sa aking mga kamay—
Florante at Laura
, binabasa na naman namin sa ikatlong pagkakataon.
Tahimik akong nagbabasa, hanggang sa biglang may tunog ng mga yabag—sunod ang langitngit ng papel—at saka ang langitngit ng balat sa damuhan. May nadapa.
Napatingin ako sa hindi kalayuan.
Si Eladio na anak ng mag-asawang Selvino ay nadapa.
Tumayo ako nang bahagya, handang tumulong. Ngunit sa isang iglap, mabilis siyang bumangon. Para bang sanay. Hindi siya naghanap ng awa. Hindi siya tumingin sa paligid. Sa halip ay ngumiti siya. Buo, walang alinlangan. Natawa pa nga siya sa sarili. Iyon ang klase ng tawa na hindi mo alam kung galing sa galit, sa hiya, o sa pagiging sadyang masayahin.
Nang makita ko ang ilang mga mag-aaral na nakakita sa nangyari ay tumawa ang mga ito. Binigyan ko sila nang masamang tingin kung kaya’t binilisan nila ang paglalakad.
“Kilala ba kita?” ang tono ng kaniyang pagsasalita ay mayroong pagdududa.
Pinasadahan niya nang tingin ang aking kabuuan at nang magtama ang aming mga mata ay nauna akong umiwas. Sa pagkakaalam ko’y limang taon ang tanda ko sa kaniya at hindi ko inaasahang kaswal siyang makikipag-usap sa akin.
Kilala ako sa paaralan bilang matalino—isa sa mga nangunguna sa klase. Ilang beses na ring nabanggit ang pangalan ko sa unahan, sa misa, sa mga pagpupulong ng mga guro. Kaya’t nagtaka ako nang hindi niya ako makilala. Gayong sa tuwing pumapasok siya sakay ng karwaheng may gintong ukit, ako’y naroon sa gilid ng daan, nilalakad ang parehong direksyon. Ilang beses na kaming nagkasalubong, ngunit ni minsan, hindi niya ako napansin.
Hindi niya pa rin pala ako kilala.
Kung gayon ay mas kailangan ko pang mas pagbutihin.
Umupo siyang mag-isa sa gitna ng damuhan at inilatag ang kaniyang papel. Doon ko siya mas lalong pinagmasdan. Paulit-ulit ang galaw niya—guguhit, bubura, guguhit muli. Pinupunasan niya ang butil ng pawis sa noo, tapos kakagat-labi sa inis kapag hindi siya nasisiyahan. Minsan pa nga’y naglolobo ang pisngi niya sa pagkayamot.
Imbes na magbasa ay naubos ang oras ko sa panunood sa kaniya.
Sa kalagitnaan ng aking pagsulyap ay nagulat ako nang bigla siyang tumingin sa direksyon ko!
Mabilis kong ibinaling ang tingin sa aking libro, kunwaring abala sa pagbabasa.
Pero… nang mapansin kong baligtad pala ang hawak ko rito, agad ko itong inayos. Napangiti ako, mag-isa. Kagaya niya.
Bigla kong naalala ang unang saknong ng Florante at Laura, Unang Kabanata:
Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari,
Kagalinga’t bait ay nalulugami,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.
Hindi ko alam kung bakit iyon ang unang tumimo sa isip ko. Marahil dahil sa gulo ng damdamin ko.
Sinampal ko ang aking sarili at muling binuklat ang libro. Mabuti pang doon ko na lamang ituon ang buo kong atensiyon.
×××××
Author’s Note:
Kumusta, everyone!
Sana suportahan niyo rin ang istoryang ito katulad ng Alapaap at iba ko pang stories.
Alam kong matagal akong nawala at hindi ko maipapangakong hindi iyon mauulit dahil sa busy kong schedule pero masaya ako sa mga taong hanggang ngayon ay nagbabasa ng mga updates ko.
I’ll try my best to update more in the future. Asahan niyong kagaya ng Alapaap at iba kong stories, ibibigay ko ‘yong best ko kay Alipato.
I have my fb account pala which is Terrorious. Magiging active din ako doon. You can add me and interact with me there.
Iyon lang. Love lots!
KABANATA 2
Eladio Selvino
Nakapatong ang baba ko sa aking kamay habang nakatingin sa kawalan. Ramdam ko ang bigat ng sikat ng araw na sumisilip sa mga bintana ng silid-aralan, ngunit tila walang init na dumadampi sa akin. Wala akong imik. Hindi ako nagbitiw ng kahit anong biro, ni hindi ko binato ng piraso ng papel si Gaspar sa noo tulad ng nakagawian. Tahimik lang ako—at iyon ang pinakamalaking kabalintunaan sa araw na ito.
Naramdaman kong nakatingin sa akin ang mga kaklase kong babae. Tatlo sa kanila ang nasa gawing kanan ng silid, kunwa’y may pinag-uusapan, ngunit lihim na sumisilip sa direksyon ko. Isa sa kanila ay si Felisa, ang anak ng alperes. Isa pa’y si Leticia, pinsan ng kura. Napailing ako nang marahan, at saka ko sila kinindatan. Mabilis silang napalingon sa ibang direksyon, namula ang mga pisngi at nagtawanan sa kanilang kinauupuan.
Kahit papaano, alam kong gumagana pa rin ang aking
pesona
.
Maya-maya’y naramdaman kong may kumalabit sa likod ng aking silya. Paglingon ko’y bumungad ang pilyong ngiti ni Gaspar, bitbit ang isang kahon ng mga masarap na pastilyas na palihim niyang ipinasok sa loob ng silid. Sumunod naman si Isidro, may hawak na isang laruan—isang pininturahang kahoy na sundalo. Si Clemente, na may palaging seryosong mukha, ay may dalang balot ng tsokolate mula sa Maynila, at si Amado, ang pinakabata sa amin, ay may dalang lata ng imported na kendi.
“Alam naming sumobra kami kahapon,” bulong ni Gaspar. “Kaya heto. Pang-areglo.”
Tiningnan ko sila isa-isa. Lahat sila ay may bitbit na pagkahiya sa kanilang mga mata. Tila bang alam nilang sumobra ang biro nila kahapon tungkol sa guhit ko. Tumango ako, at kunwa’y hindi nagpapahalata, ngunit kinuha ko rin ang mga alay nilang panghimagas at laruan.
“Walang problema,” sabi ko, at ngumiti. “Pero babawi kayo. Sa
akin
.”
Nagtawanan kami, at naramdaman kong kahit papaano’y gumaan-gaan ang pakiramdam ko. Habang pinagmamasdan ko ang apat kong kaibigan, hindi ko naiwasang maalala kung paano kami nagsimulang maging magkakaibigan—at kung paanong sa aming barkadahan, ako ang palaging nauuna, nauutusan, at sinusunod.
Si Gaspar Alvarez ay anak ng isang kilalang negosyante ng tabako sa San Rafael. Tila ba may mina ng ginto ang kanilang bodega sa bawat kahon ng pinatuyong dahon. Maingay at palabiro, siya ang pinakamabilis magsalita sa amin. Kahit mayaman, ay likas ang pagiging kalye at madalas siyang may alam sa mga tsismis ng bayan.
Si Isidro Damaso naman ay anak ng isang abogado ng mga Kastila. Tahimik ngunit palaging may dalang bagong bagay—mapa, relo, kahit baril minsan. Likas ang pagka-usyoso niya, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa batas at kapangyarihan. Kung may kailangang alamin o hanapin, siya ang unang nilalapitan ko.
Si Clemente Gonzaga, na sa likod ng malamig na anyo, ay anak ng isang maimpluwensyang haciendero na dating opisyal ng gobyerno. Siya ang matalino sa amin. Hindi palakibo, pero kapag nagsalita’y hindi mo matatalo sa pangangatwiran. Siya rin ang laging tumatahimik kapag nagsisimula akong magpatawa—ngunit siya rin ang unang lalapit kung may seryosong problema.
At si Amado Quirino, ang bunsong anak ng isang gomerang Kastila at isang dalagang Pilipina. Siya ang pinakamasayahin at pinakamasigla sa grupo. Likas ang kabaitan niya, at sa kabila ng batang anyo, may pagkamapagmasid at totoo sa nararamdaman. Siya ang pinakamalapit sa akin sa emosyon—ang una kong sinabihan ng tungkol sa pagkamatay ni Lola Maring, ang yumaong tagapag-alaga ko noong ako’y limang taon pa lamang.
At ako,
ang
pinakamakisig
, si Eladio Selvino, ang nagsilbing pangulo ng aming grupo. Ako ang pinakamabilis magdesisyon, pinakamalakas ang loob, at palaging may pakana. Hindi ko ito pinili. Sa totoo lang, ito’y tila natural na lang na nangyari. Ako ang tagapagmana ng pinakamalaking lupain sa San Rafael, at kilala ang aking ama sa tapang at galit, at ang aking ina sa taglay nitong ganda. Siguro dahil dito, kahit sa mga laro at pakikipagbarkada, ako na ang naging sentro.
“May tampo ka pa ba sa amin?” tanong ni Amado at pasimpleng kumuha ng tatlong peraso na pastilyas na bigay ni Gaspar.
Umiling ako at pinilit ngumiti. “Wala na ‘yon,” sagot ko, at inagaw ang pastilyas mula sa kaniya.
Nagpalitan kami ng kulitan, pero hindi pa rin maalis sa isip ko ang nangyari kagabi—ang mas masakit na sisi kaysa sa mga biro nila.
Pagkauwi ko kahapon sa hacienda, tanaw ko pa lang ang malaking arko ng mga bulaklak sa harap ng bahay ay may kutob na akong hindi maganda. May mga utusang abala sa pagbabalot ng mga banderitas, habang ang ilan ay nagdadala ng mamahaling pinggan para sa nalalapit na kaarawan ni Inay.
Pagbaba ko ng karwahe, sinalubong ako ng kasambahay na si Aling Nena, at agad akong hinila patungo sa silid ng aking ina.
“Eladio,” malamig ang boses ng aking ina, na kahit walang sigaw ay binalot agad ako ng kaba. “Ano itong narinig kong pinalabas ka raw muli sa klase dahil na naman sa iyong kalokohan?”
Napako ako sa kinatatayuan ko. Tumango si Aling Nena, tahimik na isinara ang pinto, at iniwan akong mag-isa sa loob ng maluwag na silid. Walang ibang tunog kundi ang pagbagsak ng kurtina mula sa hanging dumadaloy sa bintana.
Lumapit si Ina sa akin, mabagal, ngunit buo ang galit sa mukha. Mamahalin ang kaniyang saya, perlas ang hikaw, ngunit tila mas mabigat ang bawat salitang lumabas sa bibig niya.
“Eladio, wala ka na bang ibang alam kung hindi magbigay sa akin ng sakit ng ulo?” sabi niya. “Araw-araw na lang, problema. Kung hindi pa ako ang personal na pinapadalhan ng sulat ng iyong guro, hindi ko pa ito malalaman.”
Yumuko ako at kinutkot ang kuko sa aking kamay na nakatago sa likuran. “Ina, patawad—”
Hindi ko natapos ang nais kong sabihin nang maramdaman ko ang paghapdi ng aking kaliwang pisngi.
“Patawad? Pagkatapos ay ano? Gagawa ka ulit ng kalokohan kinabukasan! Sa dami ng ginagawa ko sa hacienda, sa negosyo, sa mga kaibigan kong dumadalaw pa mula sa Maynila—ikaw? Ganiyan ka? Paano kita maipagmamalaki? Napakatigas ng iyong ulo, walang disiplina! Mabuti sana kung may talino ka, kagaya ng kanilang mga anak. Kahit talento ay wala ka.”
Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako. Di ko rin namalayang kumurap ako sa sakit nang kurutin niya ang aking tenga, kasabay ng isang malupit na daing mula sa aking bibig.
“Aray! M-masakit po. Tama na po, Inay…” pagmamakaawa ko habang patuloy ang pagpalo niya sa akin.
Ngunit hindi siya tumitigil. Pakiramdam ko’y wala akong kakampi. Pakiramdam ko’y nanliit ako sa lupa.
Gusto kong tumakbo. Gusto kong mawala. Gusto kong tumakas. Pero pigil ko pa rin, kahit nanginginig na ang labi ko.
Itinaas muli ng Inay ang kamay niya, at bago pa man niya ako muling paluin ay dumating si Aling Rosa na siyang aking pangalawang ina na laging nagtatanggol sa akin.
“Donya Celestina, tama na po!” Nakikiusap ang boses mula sa ibaba.
Sa biglaang pagsigaw na iyon, bumaling kami pareho. Sa may pintuan ng silid, kitang-kita si Aling Rosa, bitbit pa ang isang bayong na may lamang mga sariwang gulay. Pawisan siya, tila hiningal mula sa pagmamadali. Galing siya sa pamilihan, at ngayon ay naroon siya, nakatunghay, nanginginig ang boses habang tinatanggal ang alampay.
“Maawa po kayo sa bata, Donya.” anito at niyakap ako.
Ikinulong niya ako sa kaniyang mga bisig at doon ko naramdaman ang kaligtasan. Nanginginig ang aking mga braso at tuhod. Takot na takot. Gustuhin ko mang pigilan ang aking ina sa pananakit sa akin ay batid kong parte lamang iyon ng kaniyang pagdedesiplina.
Nais lamang niyang maging isa akong mabuti at masunuring anak. Iyan ang paulit-ulit na sinasabi sa akin ni Aling Rosa sa tuwing pinagmamalupitan ako ng aking sariling ina. Mahal raw ako nito. At hindi niya ako sasaktan kung wala akong ginawang kamalian. Sinasaktan niya ako sapagkat mayroon siyang pakialam.
Sinunod ko ang kagustuhan ni Inang Celestina na ikulong ang aking sarili sa aking silid. Si Aling Rosa ang nagdala sa akin ng niluto niyang piniritong karne at mainit na kanin. Batid niyang hindi ako kumakain ng mga berdeng pagkain.
Niyaya pa ako nitong tumulong sa kusina imbes na magmukmok at ikulong ang sarili ngunit hindi ako pumayag. Kung ibang araw ay hindi ako mag-aatubiling sumama sa kaniya dahil batid kong hindi niya ako isusumbong kay ina, ngunit naalala kong kaarawan ni ina bukas.
Dapat ay hindi ako sumuway sa kaniya.
Bukas ay uuwi si ama mula Maynila upang ipagdiwang ang kaarawan ni ina. Napangiti ako kahit bahagya lang—isang tipid na ngiting hindi alam kung matutuwa ba o matatakot. Matagal ko na rin siyang hindi nakita. Mahigpit si ama, lalo sa salita. Parang laging may kasamang utos ang bawat bigkas niya ng aking pangalan. Ngunit kahit kailan, hindi niya ako sinaktan. Hindi tulad ni ina.
Minsan, iniisip ko rin…
mahal ba talaga ako ni ama?
Hindi ko rin masabi. Walang oras si ama para sa akin. Abala siya sa kanyang mga negosyo—sa mga pagpupulong, paglalakbay, at mga numerong para bang mas mahalaga kaysa sa sarili niyang anak.
Isa lang ako sa maraming sulat na hindi niya nabubuksan. Isang pahinang nilaktawan. Isa lang ako sa mga dahilan kung bakit umuuwi siya tuwing… kaarawan niya, kaarawan ni ina, kaarawan ko, Pasko at Bagong Taon. Limang araw lang sa isang buong taon.
Gano’n pa man, hinihintay ko pa rin ang mga araw na iyon. Nakangiti akong naghihintay sa kaniyang pagbabalik sa bukana ng aming hacienda sa tuwing sasapit ang mga espesiyal na mga araw. Umaasang masusulit ang buong araw na siya’y aking kasama loob ng isang bubong. Umaasang mas maging mabuti sa akin ang tadhana.
“Eladio?”
Napabalikwas ako sa tawag ni Maestro Serapio. Mula sa ulap ng aking isipan, bumalik ako sa silid-aralan. Nakatunganga pala ako. Nakalutang.
May tinanong ang guro—isang mahirap na tanong tungkol sa leksiyon sa kasaysayan. Wala akong naisagot. Tulad ng inaasahan. Nakatingin ang lahat sa akin. Nagtatawanan ang ilan sa gilid. Ngunit hindi ako pinagalitan ni Maestro. Pinaupo na lang niya ako muli, at nagpatuloy sa pagtuturo.
Nang matapos ang klase, nakita ko na agad sa labas ang kutsero ng aming karwahe. Ngunit bago ako tuluyang sumakay, nakiusap ako sa kanya.
“Kaunting oras lang po, Mang Tacio. Gusto ko lang… pumunta saglit sa pamilihan,” pamimilit ko at lumulundag-lundag pa.
“Noon pong isang linggo, pinagalitan ako ng Donya sa pagpayag sa ganiyang kapritso mo, Senyorito.”
“Ako na po ang magpapaliwanag sa kaniya kung sakali,” sagot ko habang nakangiti, lumilitaw ang dalawang biloy sa pisngi. “Tatlong minuto lang po.”
Mabigat man sa loob, napapayag ko rin si Mang Tacio. Isa iyon sa mga talentong kinikilala ng marami—ang galing ko sa pagkumbinsi. Sa larong salita ay doon ako bihasa.
Pagdating sa pamilihan, deretso akong lumapit sa hanay ng mga nagtitinda ng bulaklak. Pinili ko agad ang isang kumpol ng puting rosas. Simple, walang halong pabango, ngunit dalisay at payapa ang itsura. Inisip kong baka sakaling mapasaya nito si ina ngayong kaniyang kaarawan. Balak kong ibigay ito sa kaniya kasabay ng aking iginuhit.
Habang inaabot ko ang bayad, napalingon ako sa may daungan. Tatlong batang marungis ang mukha ang aking nakita. Nagsisiksikan sa isang lumang mesa, inilalatag ang kung anu-anong gamit. Kalawangin na sandok, basag na pinggan, lumang alpombra. Hindi ko maipaliwanag, pero tila may humila sa akin papunta roon.
Nilapitan ko sila at itinuro ang mga gamit. “Mga bata… bakit kayo nagbebenta ng ganiyan?” tanong ko, mahinahon.
Tumitig ang isa sa kanila, mukhang limang taong gulang. “Nasunugan po kami, Señorito. Wala kaming makain ngayong araw kung hindi kami makabenta. Wala pa rin po si Itay… nangingisda.”
Mabilis akong napalingon sa kinatatayuan ng kutsero. Abala siya sa pakikipag-usap sa isa sa mga guwardya.
Bumalik ako sa mga bata. Wala akong dalang laruan. Wala akong dalang pagkain. Pero may dala akong supot ng salapi. Hindi ko ito pinag-isipan. Nilabas ko agad.
“Bibili ako niyan,” sabay turo sa isang sirang parilya. “Tanggapin ninyo ang bayad.”
Napamulagat ang tatlo. Halos hindi makapaniwala.
“Señorito, sobra ito!”
“Para ‘yan sa isang linggo. Makakain kayo niyan nang busog. Sabihin n’yo sa ‘nanay n’yo, huwag kayong masyadong magtagal dito sa lansangan.”
Tahimik silang napatingin sa akin, saka sabay-sabay na nagsabing, “Salamat po, Señorito!”
Wala akong inaasahang kapalit. Kaya’t ikinagulat ko nang isa sa kanila’y agad na yumakap sa akin, sinundan ng isa pa, at isa pa—hanggang sa naging parang isang kumpol ng yakap ang maruruming kamay at katawan sa malinis kong barong.
Napatingin ako sa likod ng aking manggas. May bahid na iyon ng putik.
Natahimik ako sandali. Ang puting tela’y ngayo’y may marka na. Ngunit sa halip na itulak sila, niyakap ko rin sila pabalik. Hinaplos ko ang buhok ng isa na para bang kapatid.
Mateo Ibañez
Tila lahat ng ilaw sa hacienda ay nakatuon sa mga silid ng mga nakatatanda nang sumapit ang gabi, at ni isa mang guwardiya’y wala akong naaninag na naglalakad-lakad sa paligid. Ang hangin ay malamig, may dala-dalang samyo ng mga bulaklak mula sa hardin, at mula sa aking kinatatayuan sa may likuran ng kuwadra, naaaninag ko ang bintanang yari sa kahoy sa ikalawang palapag—ang bintana ng silid ni Señorito Eladio.
Napansin kong unti-unti iyong bumukas. Marahan, wari’y takot na baka may makakita. At doon, ang kaniyang mukha na waring may hinahanap. Ang mga mata’y hindi kasing kislap sa tuwing gagawa ito ng kalokohan sa paaralan. Nakasuot na siyang pangtulog, at tila bitbit ang isang papel.
Lumapit ako sa ilalim ng bintana. “Eladio… bakit hindi ka pumunta sa kuwadra?” tanong ko, pinipigilang lakasan ang boses. “Malinis na ro’n. Wala na ang amoy at dumi ng kabayo.”
Lumingon siya sa paligid, bahagyang nagulat na nandoon ako. “Ah… Masama ang pakiramdam ko,” sagot niya. “N-nilalagnat ako.”
Napakunot ang aking noo. “Nilalagnat ba kamo?”
Marahil ay dahil sa labis na pag-aalala kung kaya’t mabilis akong tumalikod at kumuha ng hagdang itinago ko sa likod ng silong. Isinandal ko iyon sa ilalim ng bintana, siniguradong matatag, saka marahang umakyat.
“A-anong ginagawa mo? Baka mahulog ka,” gulat ni Eladio.
Hindi ko siya sinagot. Nang makalapit na ako sa kaniyang mukha, marahan kong idinantay ang palad ko sa kaniyang noo. Bahagyang napaatras siya ngunit hindi tumutol.
“Hindi na mainit,” sabi ko, pilit na pinipigilan ang ngiting nangingibabaw sa mukha ko. “Mukhang humupa na. Pero uminom ka pa rin ng maraming tubig. At magkumot ka nang makapal.”
Hindi siya sumagot, pero nakita kong unti-unting lumambot ang kaniyang anyo. Kinuha ko ang maliit na kahong nasa bulsa ko at iniabot sa kaniya. “Para sa ‘yo,” sabi ko.
Tinanggap niya iyon na may pagtataka. Nang buksan niya, tumambad ang mga pangkulay—mga dekalidad, sariwa, at kumpleto. Parang muling lumiwanag ang kaniyang mukha. Tila nakalimutan niya ang sakit ng katawan at bigla siyang umayos ng tayo, tinitigan ako na para bang hindi makapaniwala.
“Bakit…”
“Ginamit ko iyong kaunting ipon ko,” sabay kamot sa batok. “Sayang naman ang iyong iginuhit mo kung hindi mo makukulayan.”
Hindi siya nakasagot agad. Tila pinipigilan niya ang ngumiti, ngunit sa dulo’y hindi niya iyon napigilan. Ang mga mata niyang kanina’y malungkot ay may bakas na naman ng liwanag.
“Nakakatuwa ka,” bulong niya.
Napailing ako, saka bumaba sa hagdan. “Sige na, babalik na ako. Baka hanapin na ‘ko ni Inay.”
Pagkalapag ng paa ko sa damuhan, narinig ko pa siyang magsalita.
“Salamat, Mateo. Ibabalik ko ito sa iyo.”
Hindi ko na nilingon. Ayokong makita niyang ako naman ang biglang ngumiti. Ngunit bago ako lumayo, saglit akong tumingala sa bintana. Naroon pa rin siya, nakadungaw, hawak-hawak ang kahon ng pangkulay na para bang nagbigay kulay sa kaniya.
×××××
Author’s Note:
Maganda ba kapag merong kaunting POV si Mateo? Cute naman ‘di ba?
Anyways, nawa’y nagustuhan niyo ang kabanatang ito.
KABANATA 3
Eladio Selvino
Pauwi na ako ng hacienda sakay ng karwaheng minamaneho ni Mang Tacio. Sa aking kamay ay mahigpit kong hawak ang pinaghirapang iginuhit na nagkaroon na ng buhay. Samantalang sa aking kandugan ay ang sariwang mga bulaklak na aking nabili mula sa pamilihan. Sa isip ko, iyon na ang handog ko kay Ina sa kaniyang kaarawan.
Pagbaba ko ng karwahe, agad akong pinayungan ni Mang Tacio. Matindi ang sikat ng araw, at naglalakbay sa alikabok ang aking maruming sapatos.
Pagbukas pa lang ng tarangkahan ay nasalubong ko na si Aling Nena.
“Naku, Señorito Eladio!” bulalas niya. “Tingnan niyo po ang itsura niyo. Marumi po kayo, at nariyan na po ang mga bisita. Aba’y hindi matutuwa si Doñya Celestina kapag nakita kayong ganiyan!”
Sumulyap ako sa bukas na pintuan ng silid-tanggapan. Mula roon, natanaw ko ang masisiglang kasuotang makikintab. Ang mga babae’y may abaniko, ang mga lalaki nama’y may mga baston. Galing sila sa Maynila, o baka mga kasosyo ni ama.
Ngunit ang pinakamasid kong mata ay nahanap si Ina. Nandoon siya, nakasuot ng ginintuang baro na bumabagay sa mga bulaklak na nakapalibot sa nakapusod niyang buhok. Maganda siya, gaya ng palagi.
Ngumiti ako.
Ngunit ang kapalit ng aking ngiti ay isang simpleng kumpas ng kamay—isang senyas ng pagtanggi.
Itinulak ako palayo ng isang tahimik na utos.
“Masusunod, Rosa,” ani ni Mang Tacio, may bigat sa tinig. “Ako na muna ang sasama rito kay Señorito Eladio pansamantala. Babalik rin kami bago dumating ang kaniyang ama.”
Tahimik kong iniabot ang guhit at ang kumpol ng bulaklak kay Aling Rosa. “Aling Rosa… maari bang ikaw na ang mag-abot nito kay ina? Regalo ko po iyan sa kaniya para sa kaniyang kaarawan,” pakiusap ko.
Naisip kong maaring malanta ang bulaklak kung mamaya ko pa ito ibibigay. Kinuha iyon ni Aling Rosa at pumasok sa loob.
Bago ako muling makasakay ng karwahe, napalingon ako sa bandang hardin at nakitang naroon si Mateo.
May suot siyang sumbrero at manipis na kamisa de chino, mahaba ang manggas. Hawak niya ang gunting panggupit at dahan-dahang tinatabas ang mga dahon ng santan. Pawis ang noo niya, tila walang pakialam sa init.
Ngunit sa bawat pagdaan ng bisitang sasakyan sa bukana ng hacienda, tumatayo siya at ngumingiti.
Ngumingiti?
Na para bang ibang Mateo iyon.
Natawa ako nang mahina. Marunong pala siyang ngumiti.
“Sandali lamang, Mang Tacio,” wika ko, kinuha ang paragwas mula sa kaniya at lumakad palapit kay Mateo.
Paglapit ko, agad kong itinapat ang paragwas sa kaniyang ulunan. Nagulat siya roon sapagkat bahagyang nanginig ang kaniyang balikat.
“Eladio… narito ka pala,” aniya, agad na inilayo ang gunting. “Huwag mo akong alalahanin at payungan ang iyong sarili. Sanay na ako sa init.”
Mabilis akong kausap kung kaya’t ginawa ko ang kaniyang sinabi.
“Maligayang kaarawan pala sa iyong ina,” sabi niya pagkatapos. May sinseridad sa tinig.
Tiningnan ko siya. “Salamat.”
“Pero bakit ka narito sa hardin?” tanong niya. “Bakit hindi ka sa loob kung nasaan ang handaan?”
Sandali akong hindi nakasagot.
Tiningnan ko ang aking maruming manggas. Inalala ang mga yakap ng mga batang parang mga kapatid. Ang simpleng guhit na naiwan sa kamay ni Aling Rosa. Ang tangging ngiti na hindi nabigyan ng sagot.
Ngumiti ako kay Mateo, pilit man. “Mas… gusto ko rito.”
Hindi siya sumagot. Nakakabingi ang katahimikan sa pagitan namin.
“Siya nga pala,” wika ko habang kinakalabit ang damo sa tabi naming kinauupuan sa lilim ng punong mangga. “Ang iyong mga pangkulay… ay nasa aking silid pa. Sa susunod nating pagkikita, makakaasa kang ibabalik ko iyon sa iyo.”
Tumingin si Mateo sa akin, saka marahang umiling. “Kahit sa iyo na muna iyon, Eladio. Hindi ko pa naman kakailanganin.”
Napakunot ako ng noo. “Sandali nga! Hindi ba’t… sabi mo’y binili mo iyon gamit ang iyong ipon? Para saan pa’t hindi mo rin pala iyon gagamitin?”
Tinitigan ako ni Mateo—hindi basta titig na naglalaman ng sagot, kundi isang tahimik na anyayang unawain ko siya. Pilit kong binasa ang kaniyang mukha, ang kaniyang mga mata, ang tikom niyang bibig. Subalit ako’y bigo. Walang anumang kumpirmasyon o paliwanag akong maaaninag.
Bago ko pa muling mabuklat ang isipan niya, isang malakas na ugong ang narinig ko.
Tumunog ang aking tiyan. Malakas iyon. Paniguradong narinig niya.
Parang sabay kaming napatigil ni Mateo. Kinagat ko ang ibabang labi upang pigilan ang pagtawa. Napatingin ako sa kalangitan kung nasaan ang maliwanag at mainit na araw.
Napakamot ako sa ulo. “M-mukhang uulan,” biro ko. “Ang lakas ng kulog na iyon. Narinig mo rin ba?”
Hindi kumbinsido si Mateo. Ngunit hindi na niya ako pinahiya.
Tumayo siya. “Tara na. Halika sa amin. Samahan mo kaming kumain.”
Bago pa ako makatanggi, nakalakad na siya palayo. Napilitan akong sumunod—at bago ko namalayang tuluyan na akong lumilihis sa taniman ng rosas, narating na namin ang mas makitid na daan patungo sa likuran ng hacienda, kung saan naroroon ang kuwadra. Malapit lamang roon ang tahanan nila Mateo.
“Ipakikilala pala kita kina Nanay at Cecilia,” aniya.
Sa pagbukas ng pintuan, bumungad sa amin ang malamig na hangin ng loob ng bahay, na amoy bulaklak at nilabhang damit.
“Inay,” tawag ni Mateo. “May bisita po tayo.”
Isang babae ang bumangon mula sa tahian sa gilid. Payat siya ngunit matikas, tuwid ang likod at maamo ang mukha. May manipis na mga kunot sa gilid ng kanyang mga mata, at maayos ang pagkakasuot ng kaniyang kulay-abong saya at puting kamisa.
Itinaas niya ang kaniyang salamin at bahagyang napakunot ang noo—at pagkakita sa akin ay agad itong nagliwanag.
“Ikaw pala iyan, Señorito Eladio. Magandang tanghali sa iyo! Pumasok ka.”
Nangingimi akong pumasok. “Magandang tanghali po,” ani ko, at agad akong nagmano. Siya pala si Aling Rosalia, ang ina ni Mateo.
“Cecilia,” tawag naman ni Mateo, “siya nga pala si Señorito Eladio. Anak nina Don Ignacio at Donya Celestina.”
“Magandang tanghali po, Señorito,” sabay yuko ng isang batang babae. Wala pa yatang limang taong gulang. May kakulay ng tsokolate ang balat at maikli ang buhok na abot lang sa batok. Maliit siyang bata. Sa kaniyang kandungan ay naroroon ang kwaderno’t lapis.
“Cecilia, sa lapag ka na lamang gumuhit at nang makaupo nang maayos ang ating bisita,” ani ni Aling Rosalia.
“Hindi na po,” sagot ko agad. “Ayos lang po sa akin ang maupo rito sa lapag.”
Umupo ako sa tabi ng maliit na mesa habang patuloy na gumuguhit si Cecilia. Tahimik ang buong silid. Sa unang pagkakataon ay wala akong narinig na alingawngaw ng alila o yabag ng mga katulong.
Nakakapanibago
.
Pumasok si Mateo sa isang silid at nang bumalik ay may bitbit itong malinis na damit—isang kamiseta at isang salawal na mukhang pag-aari niya.
“Ito,” ani Mateo sabay abot ng mga kasuotan. “Magpalit ka ng damit. Mabuti pa’y sa silid ko na lang.”
“Ah… hindi na siguro—”
“Señorito Eladio,” sabad ni Aling Rosalia, may lambing sa tinig, “mabuti pa nga’t magpalit ka na ng iyong pang-itaas. Namantsahan pala ang iyong damit.”
Napakagat ako ng labi at marahang tumango. Pumasok ako sa silid ni Mateo hawak ang damit, kung saan humalimuyak ang amoy ng kahoy, tinta, at libro.
Pagkapasok ko sa silid ni Mateo upang magbihis, agad kong napansin kung gaano ito kalinis. Maayos na nakasalansan ang mga libro sa isang istante, tila walang bahid ng alikabok. Kahit ang kama ay maingat na nakalatag, walang gusot ang kumot. Noon ko lamang napagtanto—malinis nga si Mateo, hindi lamang sa silid kundi pati sa kaniyang anyo. Palaging maayos ang kasuotan, maganda ang tindig, at seryoso ang mukha. Hindi rin siya marunong magbiro.
Kung siguro’y kasing husay ako ni Mateo, kung may ganitong karangalan ang aking pangalan, baka sakaling matuwa sa akin si Ina.
Tahimik akong nagbihis, pilit itinataboy sa isipan ang damdaming hindi ko maipaliwanag—selos ba ito, paghanga, o pagnanais na sana’y naging ako siya?
“Tapos ka na ba?” ang boses na iyon ay mula kay Mateo mula sa labas ng silid.
Binuksan ko iyon, at napansin ko ang bahagya niyang pagtitig sa suot kong kamiseta at salawal—ang parehong kasuotan na siya rin ang nagpahiram. Malaki iyon sa akin sapagkat mas matanda siya at mas matangkad. Halos lumaylay ang manggas sa aking mga braso at umabot hanggang tuhod ang laylayan ng salawal.
Hindi siya nagsalita tungkol dito, bagkus ay tumingin lamang at sinenyasang sumama ako sa hapag-kainan.
Sa mesa, naghihintay ang isang mangkok ng mainit na sabaw na may isda, at ilang pinggan ng mga ulam na puro berde. Agad kong kinuha ang isda—alam kong hindi ko gusto ang gulay. Ngunit bago pa man ako makatanggi, inalok ako ni Aling Rosalia ng isang sandok ng nilutong gulay at inilagay iyon sa aking pinggan. Napilitan akong ngumiti at tanggapin.
Pikit-mata kong tinikman iyon, at halos masamid sa lasa. Halata sigurong hindi ko nagustuhan, sapagkat agad akong inabutan ni Aling Rosalia ng isang baso ng tubig.
“Huwag mo nang pilitin,” mahinang sabi ni Mateo, bago ipagpalit ang plato naming dalawa. Sa plato niya, walang ni katiting na gulay.
Hulog siya ng langit!
Habang pinagmamasdan ko silang mag-iina ay doon ko naisip na ito ang unang pagkakataon na may kasabay akong kumain sa hapag. Sa hacienda, bihirang-bihira akong sabayan ni Inang Celestina. Nagkakasalo lamang kami kapag naroroon si Ama.
Magaan ang loob ko sa kanila kaya sa sobrang pagiging komportable, nabanggit ko pa ang ilang bagay na alam kong kapag narinig ni Ina, siguradong manggagalaiti ito sa galit.
“Aling Rosalia,” wika ko habang sinusubo ang kanin, “alam po ba ninyo… na ako ang pinakakilalang mag-aaral ng San Rafael?”
Napangiti siya, kaya lalo kong ipinagpatuloy.
“Noong nakaraang linggo nga po ay nagkagulo sa buong paaralan dahil po sa akin.”
Tila namamangha ang mga mata ni Aling Rosalia at halatang sabik sa aking ikukwento.
“Kasi po, may takdang-aralin kami na magdala ng halaman. Sabi ko sa aking mga kapwa mag-aaral ay mas maganda kung paso ng puno ng saging ang dalhin. Ayun, lima kaming dumating na may pasan-pasang paso na mas malaki pa sa mesa ng maestro. Hindi na kami nag-aral buong maghapon dahil sa katatawa ng lahat.”
Napailing si Mateo, ngunit kita ko sa gilid ng labi niya ang pigil na tawa.
“At noong isang buwan naman,” dagdag ko, “baka po narinig na ninyo yung nangyaring baha sa paaralan? Hindi po ulan ang dahilan noon. Ako po.”
Napatigil silang pareho at tumingin sa akin. “May gripo po sa likod ng silid-aralan namin. Naisip ko lang po kung hanggang saan aabot ang tubig kung iiwanang bukas buong araw… Ayun, abot-tuhod po sa pasilyo. Libre paligo sa lahat!”
Si Cecilia, na tatlong taong gulang pa lamang, ay humahagalpak ng tawa kahit halata namang hindi niya lubos nauunawaan.
“Ngunit Señorito,” tanong ni Aling Rosalia habang inaabot sa akin ang pinggan ng gulay, “kahit may ganyan kang mga kapilyuhan, ibinigay mo ba ang lahat ng iyong makakaya sa mga pagsusulit?”
“Opo!” mabilis kong tugon. “Hindi po ako kailanman humingi ng sagot kay Clemente! Siya po ang isa sa aking kaibigan na likas ang katalinuhan. Nag-aral rin naman ako… kahit kaunti. Ngunit siguro’y hindi po dapat sabay ang pag-aaral at ang pagtatali ng butiki para gawing laruan.”
Napatawa si Aling Rosalia at tinapik ako sa balikat. “Magaling ka, Eladio. Ang marka sa pagsusulit ay hindi sukatan ng talino ng mag-aaral. Ang mahalaga’y natuto ka at pagbubutihin mo sa susunod.”
Magaling raw ako.
Mga salitang hindi ko pa naririnig sa aking sariling mga magulang. May kung anong mainit na kumurot sa dibdib ko. Bahagya akong naluha, ngunit mabilis ko iyong pinunasan. Wala pa akong naririnig na ganitong papuri mula sa sinuman sa hacienda, lalo na kay Inang Celestina. Kaya ngumiti na lamang ako at kumain muli, iniisip kung anong kalokohan ang maiimbento ko sa susunod na araw.
Nang matapos kaming kumain ay naupo si Mateo sa hapag upang gawin ang kaniyang takdang-aralin, samantalang si Aling Rosalia nama’y abala sa paghuhugas ng mga pinagkainan. Nag-alok ako ng tulong ngunit tumanggi ito. Kaya inabala ko na lamang ang sarili sa pakikipaglaro kay Cecilia.
Mahilig pala siyang gumuhit.
Bagama’t hindi pa pantay ang mga linya at magulo pa ang mga hugis, malinaw sa akin ang nais niyang iparating. May isang guhit na paulit-ulit niyang ginagawa—isang matangkad na lalaki na may sumbrero—at nang tanungin ko kung sino iyon, kinumpirma niyang ito ay ang kaniyang ama. Doon ko napagtanto na katulad ko, nangungulila rin siya sa kaniyang ama. Ang ama niya, si Ka Andres, ay kanang-kamay ni Ama sa pamamahala ng mga lupain. Kapag umaalis si Ama upang asikasuhin ang pagbili at pagbebenta ng mga sakahan, kasama palagi si Ka Andres bilang katuwang at kahalili.
Nauunawaan kong nagsusumikap ang aming mga ama para sa aming kapakanan at kinabukasan, subalit sa bawat pag-uwi nilang may dalang mga kuwento ng tagumpay, ay tila mas lalo kaming naiiwan sa alaala lamang. Hindi maitatangging marami rin silang pagkukulang—at sa edad kong pito, para akong pulubi sa sariling tahanan, nanlilimos ng kahit kaunting oras, isang yakap, o kahit sulyap na may kasamang ngiti. Ngunit sa halip, ang natitira lamang sa akin ay mga upuang bakante sa hapag-kainan at mga pangakong laging ipinagpapabukas.
Mula sa labas ng tahanan nina Aling Rosalia ay narinig ko ang malakas na tinig ni Mang Tacio na bakas ang pag-aalala.
“Señorito Eladio! Nariyan ka lang pala, bata ka! Kanina pa kita hinahanap. Nariyan na ang iyong ama.”
Agad akong napangiti at halos mapatalon sa tuwa.
“Kasama po ba niya si Mang Andres?” tanong ko, sabik na sabik.
“Oo, Señorito. Naroon sila sa loob ng hacienda,” sagot ni Mang Tacio.
Agad akong humarap kina Aling Rosalia, Mateo, at Cecilia.
“Halina po kayo, Aling Rosalia! Sumama kayo sa akin sa hacienda para makita si Mang Andres,” masiglang yaya ko.
Ngunit ngumiti lamang si Aling Rosalia at marahang umiling.
“Mauna ka na, Señorito. Magbibihis muna kami at susunod na lang. Hindi kami puwedeng humarap sa ganoong pagtitipon…” napatingin siya sa kanilang kasuotan, “…nang ganito ang ayos.”
Tumango ako, bagaman ayaw ko sanang mauna. Mabilis akong tumakbo patungong hacienda.
Pagdating ko roon, wala na ang orkestra na kanina’y tumutugtog sa hardin, subalit naroon pa rin ang mga panauhing bihis na bihis—ang mga ginoo’y nakasuot ng makikinis na amerikana, makintab ang sapatos, at maayos ang tabas ng buhok. Ang mga ginang nama’y nakapagsuot ng mahahabang saya na may burdang kumikislap sa ilalim ng ilaw, at may hawak na mga abaniko na wari’y kasinghalaga ng kanilang mga hiyas.
Ang kaarawan ng aking ina ay hindi basta handaan lamang—ito’y isang marangyang pagtitipon na wari’y isinadula para sa mga panauhing pandangal.
Napayuko ako at biglang nakaramdam ng hiya. Ang suot kong kamiseta at salawal na ipinahiram ni Mateo—malinis nga ngunit halatang hindi angkop sa gayong okasyon—ay tila lalo lamang nagbunyag ng aking pagiging naiiba sa kanila.
Mula sa kabilang dulo ng bulwagan, natanaw ko si Ama na abala sa pakikipag-usap sa mga kasosyo niya sa pagpapalawak at pagbili ng mga lupain. Naroon din si Mang Andres, matapat na kanang-kamay ni Ama, na nakikinig at paminsan-minsa’y sumasabat. Sa kabilang panig ay si Ina, nakaupo sa gitna ng mga panauhing pawang bihis-donya at bihis-ginoo, may ngiting para bang siya ang reyna ng gabing iyon.
Gusto ko sanang tumakbo palapit, ngunit pinigilan ko ang sarili. Noon ko napansin si Aling Rosa na lumapit sa akin.
“Halika, Señorito,” lumuhod ito upang magpantay kami at hinawakan ang aking braso. “Ipapakita ko sa iyo ang magarang kasuotan na regalo sa iyo ni Don Ignacio.”
Hawak ni Aling Rosa ang aking maliit na kamay patungo sa aking silid. Doon ay inilabas niya ang isang barong na yari sa pinya, napakapino ng pagkakaburda, kasabay ng itim na salawal at makintab na sapatos. Maingat niyang sinuot sa akin ang barong, at nang mailapat ito sa aking katawan ay tila may malamig na hanging dumampi sa dibdib ko.
Laking gulat ko nang masabi ko sa sarili, “Kasukat ko po…”
Maging ang sapatos, parang hinubog para sa aking mga paa.
“Paanong ganito kasakto po, Aling Rosa?” hindi ko napigilang itanong habang nakangiti.
Ngumiti siya, marahang inayos ang kuwelyo ng aking barong, at sagot niya, “Anak ka niya, Señorito. P-paano ba namang hindi sukat sa iyo?”
Dahil sa kanyang mga salita, parang sumabog ang init sa aking dibdib. Lagi mang wala si Ama, ngayong suot ko ang kanyang regalo, para bang narito siya at nakatingin sa akin. Napatitig ako sa salamin—ibang-iba ang batang nakita ko roon. Mas tuwid ang tindig, mas matatag ang tingin, at pakiramdam ko’y isa na akong tunay na kabilang sa marangyang pagtitipon sa labas.
Mateo Ibañez
Nang matapos ang unang bahagi ng klase ay saka lamang ako nagsimulang maggupit ng mga halaman sa hardin. Mainit ang sinag ng araw at ramdam ko ang pawis na dumadaloy sa aking sentido. Habang abala sa paggugupit, paminsan-minsan ay napapalingon ako sa bukana ng hacienda. Hinihintay ko kasi ang pagdating ng aking ama na kahalili ni Don Ignacio.
Sa tuwing may daraang magandang karwahe, hindi ko napipigilang umasa na siya na iyon. Sa tuwing nakukumpirma kong hindi ay ngumiti pa rin ako at magbigay-galang sa mga bisita.
“Magandang araw po!” bati ko sa mga pumapasok sa hacienda.
May ilang binibining kasama ang kanilang mga magulang na, pagdaan sa harap ko, ay bahagyang napapahinto upang ngumiti.
Alam kong hindi iyon simpleng ngiti lamang. May kakaibang tingin sa kanilang mga mata, na para bang napansin nila ang aking tindig sa kabila ng aking simpleng ayos. Sabi nga ni Inay, may kakisigan daw ako na hindi ko namamalayan, at marahil iyon ang dahilan kung bakit parang mas matagal silang tumitig bago bumaling sa ibang mga hardinero.
Sa hindi kalayuan, nakita ko si Mang Tacio na tila may kinakausap. Nang magmasid pa ako, si Eladio pala iyon.
Kaagad kong inayos ang suot kong sumbrero, bahagyang itinagilid, saka marahang inangat para makita nang maayos ang aking mukha. Hindi ko rin naiwasang amuyin ang aking sarili at nang masigurong hindi pa naman ako amoy-araw, ay napangiti ako nang bahagya at saka nagpatuloy sa paggupit.
Hindi nagtagal, narito na si Eladio sa tabi ko, dala ang pamilyar niyang ngiti. Kumpara sa akin ay mas marami siyang kuwento. Hindi ko lubusang mawari kung interesado ba itong tunay sa aking ginagawa o nagpapalipas lamang ng oras.
“Kapag ba hindi niyo ginupit ang mga halamang iyan ay aabot ito sa kalangitan?” pang-lima niyang tanong at tumingala habang hawak ang paragwas.
“Kung hindi ko ito gugupitin, baka matabunan na ng mga sanga ‘yung bintana.” sagot ko at nagpatuloy sa ginagawa.
Hindi ko siya maaaring tingnan nang matagal sapagkat baka ako’y mawili sa kaniyang atensiyon at hindi na makagawa.
Patuloy siya sa pagtatanong nang biglang may umalingawngaw na malakas mula sa kanyang direksyon. Napaawang ang aking labi at tiningnan siya nang nakataas ang kilay.
“Mukhang uulan…” aniya at napakagat sa ibabang labi. “Ang lakas ng kulog na iyon. Narinig mo rin ba?”
“Sigurado ka bang hindi iyon mula sa iyo?” tanong ko at tinitigan ang malalaki at nangungusap niyang mga mata.
Agad siyang umiwas ng tingin at mabilis na sumagot, “Hindi! Maniwala ka sa akin. Kulog lang iyon.”
Hindi ko maiwasang mapansin ang maliliit na bagay tungkol sa kaniya—kung paanong kinakagat niya ang ibabang labi tuwing pinipigil ang pagtawa, ang dalawang biloy sa pisngi na lumilitaw kahit pilit niyang itinatago ang ngiti, at ang pamumula ng kanyang mukha na lalong bumabagay sa maputi niyang kutis.
Kahit sa gitna ng init at pawis, dala-dala pa rin niya ang presensyang parang liwanag sa paligid.

