Ang Lalaking Umawit ng I Dreamed a Dream (A Gift to A Friend)
AlbertLang · 1 chapter · 1,841 words
Ang Lalaking Umawit ng I Dreamed a Dream (A Gift to A Friend)
Hindi alintana ni Marco ang pag-iyak ng anak tuwing iiwan niya ito sa eskwelahan. Sabi sa nabasa niyang website, normal ang pag-iyak ng bagong pre-schooler hanggang sa mga dalawa o tatlong linggo. Isang buwan nang hinahatid ni Marco ang anak at hanggang ngayon ay umiiyak pa rin ito. Sinukuan na niya ito sa pag-asang aayos ito ng kusa. Sa buhay niya, ang mga bagay naman ay bumabagsak nang kusa sa dapat nitong mga kalagyan.
Kaya naman taas-noo pa rin siyang bababa sa ground floor, sasalubungin ang ibang mga magulang na nagkwe-kwentuhan tungkol sa mga anak nila. May ilang babati sa kanya dahil kahit na unang pagkakataon niyang makapagpaaral ng anak, ay nakakuha na siya ng posisyon sa Parents Association. Vice president. Hindi naman niya iyun gusto pero tanggap na rin niyang marami siyang gusto na hindi para sa kanya. Kaya pag may napunta sa kanya, ayos na.
Pansin ni Marco ang pagbubulungan ng mga tao matapos bumati at mag-alis ng tingin sa kanya. Alam niyang siya ang pinagbubulungan dahil nakasando, shorts at tsinelas siya. Mga bagay na nakapaskil sa gate ng paaralan na ipinagbabawal sa mga maghahatid o susundo. Parehong ang paskil at ang bulungan, hindi niya binigyang halaga.
Hanggang ang gwardiya na ang lumapit kay Marco. Tuloy lang ang lakad niya sa pagsalubong dito. Kilala na niya ito. Kinuha ang lighter sa bulsa at iniabot sa gwardiya. Bawal man, e nakakasabay niya itong manigarilyo paminsan-minsan sa may simbahang katabi ng paaralan. Ito naman ang isa sa mga bawal na sandali ng gwardiya.
Habang nag-uusap ang dalawa, napahinto si Marco. Kilala naman nila ang kotse ngunit ang bumaba, ngayon lang nila nakita. Kilala nila ang batang sakay ngunit ang babaeng naghahatid ang iba. Isang babae na mukhang may edad na ngunit maganda pa rin ang hubog ng katawan. Ngumiti ang gwardiya, pwede. Para kay Marco, matanda ito para sa kanya. Tawanan. Ang totoo, early thirties na rin si Marco pero pakiramdam niya ay nasa late twenties lang siya. Alam ito ng guwardiya. Kaya naman napalakas lalo ang kanilang biruan. Hanggang sa bumukas ang kotse at lumabas ang driver nito. Parang pinatay lahat ng ingay sa paligid ni Marco at tanging mga mata lang niya ang gumagana sa kanyang mga pandama.
May naalala ang kanyang puso kaya’t nakalimutan nitong tumibok nang isang saglit.
Maluwag ang pantalon niya noon, maong, at sandlas na balat. Malaking pulang t-shirt ng Spoofs Unlimited. Tag Hirap imbes na Tag Heuer. Nasa kolehiyo siya. Ikalawang taon, kaya’t kailangan nang humanap ng org na sasamahan. Nakapili na siya at sa orientation ng napiling org, una niyang nakita ang lalaking ito. Sa lalaking ito niya unang nakita ang mga labing nais niyang unang halikan. Saka na lamang niya napansin ang tikas nito at ang maamong mukha nang lumapit ito sa kanya at nagtanong kung kasama ba siya sa orientation. Napa-oo si Marco. Ngumiti. Hanggang sa mapansin niyang hindi niya alam ang kanyang inoohan. Isang imposibleng bagay ang kanyang nararamdaman. Imposible niyang magawa, imposible niyang magustuhan.
Nagpakilala ang mga members ng org. Mishka ang pangalan ng may-ari ng mga labing iyun.
Lumabas ang lalaki sa kotse dala ang baunan. Humabol ito sa babaeng lumabas ng kotse at sa batang kasama nito. Napahakbang si Marco ngunit pinigilan siyang humakbang pa ng kanyang pagbuntong hininga. Tinanong ng gwardiya si Marco kung kaibigan niya ang lalaki.
Kilalang-kilala, naisip ni Marco.
Sa bawat araw ng pagtambay ni Marco sa org ay kasa-kasama niya si Mishka. Naging mabuting magkaibigan sila, at hindi ito natatapos sa paghihiwalay nila sa eskwela. Pagkatapos ng hapunan, habang ginagawa ang kanilang mga takda, hawak nila ang kani-kanilang mga telepono, nag-uusap. Magdamagan ang mga usapang ito at walang alinlangan sa bayad dahil landline pa ang konsepto ng telepono, walang binabansagan ng unlimited dahil walang nililimitahan.
Napansin na ng ibang mga kaibigan ni Marco ang pagiging busy lagi ng telepono nito. Paliwanag naman niya, hindi siya ang tumatawag. Binalaan siya ng mga ito na baka bakla si Mishka. Pangalan pa lang niya, hindi mo na maintindihan, ano pa ang pagkatao niyan? Natawa lang si Marco, at hindi masabing gusto niya ang mga tawag na iyun. Hindi pa rin nawawala ang pagnanasa niyang mahalikan ang mga labi ni Mishka. Halik lang naman. Hindi ako magiging bakla sa isang halik lang.
Maging sa mga paglabas-labas ay nakakasama ni Marco si MIshka, at lalong tumatag ang pagkakaibigan nila nang maging opisyal na bahagi na si Marco ng org. Magkasama silang umuuwi kapag pumupunta sa mga party, fiesta, birthday o kung anu pang pwedeng pagsamahan. Mga inuman, overnights, gimik.
Isa ditto ay naganap sa Alabang. Malayo. Kinailangan nilang doon na matulog.
Mabilis ang ikot ng alak. Dalawang shots ang pinagpapasa-pasahan. Pasalubong sa mga taong nakapalibot sa mesa sa garahe. Nasa mga sampu lang sila doon, o kung mas marami man, hindi tumatak kay Marco kung sino pa ang kasama. Mahirap nang makaalala dahil napatumba na nila lahat ng alak na nabili nila. Umabot sila sa pagkakataong ang mga gumegewang maglakad ang umaalalay sa mga natutumba. Hindi inasahan ni Marco na kakayanin niya ang ganung pagkalasing, isa siyang taga-alalay. Pinili niya ang mga aalalayan. Mga tatlo na ang napasok niya nang mapansin niyang wala si Mishka.
Inabutan niya si Mishka sa may bakuran, inaaway ang mga halaman. Masama ang tingin sa gumamela habang hinahampas-hampa ang mga dahon nito. Iniakbay niya si Mishka sa kanya at sinabayan sa paglakad papasok sa bahay.Mabigat alalayan si Mishka at hindi nakatulong ang parang pagtulog na nang kalahati ng kanyang katawan. Pagdating sa may salas, bago makarating sa mga hagdan patungo sa mga kwarto, natumba si Mishka. Pahiga. Mabuti at naagapan ni Marco ang ulo sa pagkabagok. Nakalipas na ang ilang sandal nang mapansin ni Marco ang kanyang kinalalagyan. Nakatukod ang kaliwang kamay niya sa sahig, habang ang kanan ay nakasalo sa ulo ni Mishka. Nakadapa siya sa nakahigang lalaki at ang tanging tinititigan niya ay ang mga labi nito. Lumapit siya hanggang gahibla na lang ng buhok ang pagitan ng kanilang mga labi.
Lasing ako. Pwede na iyong dahilan.
Kinagat ni Marco ang kanyang sariling bibig. Bumuntong hininga. Itinayo si Mishka.
Bumalik ang lalaki sa kotse. Hindi kasama ang babae. Hindi muna pumasok ang lalaki at naglabas ng telepono. May tinawagan. Sa mga pagkakataong ito, natitigan ni Marco ang lalaki. Kahit malayo ay naririnig niya ang tinig ng lalaki. At ang mababang boses ng lalaki ay nagpatayo ng balahibo niya sa kanyang likod.
Kinalimutan na ni Marco ang pagnanasa sa mga labi ni Mishka. Hindi naman iyun maaari. Sapat nang naging magkaibigan sila. Hanggang sa manligaw sila ng magkaibang babae sa kanilang org. Mapalad si Marco at napasagot niya ang babae niya. Si Mishka, hindi.
Lumayo si Mishka kay Marco. Hindi naunawaan ni Marco. Dahil daw may girlfriend na siya, at silang dalawa na dapat ang madalas magkasama, makakagulo siya. Hindi gusto ni Marco iyun. Pakiramdam niya ay nagseselos si Mishka. Sa isa sa mga usapan nila sa telepono, sinabi iyun ni Mishka. Matapos ang isang buwan, hiniwalayan ni Marco ang girlfriend. Muli, lumapit si Mishka kay Marco.
Lumabas na ang babaeng naghatid sa bata. Ngunit matapos ang ilang saglit, bumalik ito papasok sa gate.
Natawa ang guard. Pumapatol naman pala sa mas bata ang babaeng iyun dahil parang kaedad lang ni Marco ang lalaki sa kotse. Natawa rin si Marco. Baka yang lalaki ang hindi pumapatol sa babae.
Kinalimutan na ni Marco ang pagnanasa sa mga labi ni Mishka. Hanggang sa magkaroon ng mga bagong member sa org. Kabilang dito sina Raymart at Harry. Ang dalawang ito ang naging kasundo nina Marco at Mishka. Bagong tropa. Bagong mga samahan. Kasama dito ang madalas na pag-uwi nilang apat sa bahay nina Raymart. Masaya naman sila.
Ang mga gabing ito, ang kanilang madalas na pagtatabi ang nagbalik sa pagnanasa ni Marco sa mga labi ni Mishka. Ang namumula at namimintog na labi ni Mishka, muli siyang inaaya sa isang halik kahit walang tinig na naririnig. Pero nagpigil si Marco. May mga bagay na sadyang hindi niya kaya, kahit nandyan na.
Nagpatuloy ang mga gabi ng apat na magkakaibigan. Isa sa mga ito, habang natutulog sila sa bahay ni Raymart, naalimpungatan si Marco. Bahagya niyang inusog ang sarili sa tabi ni Harry, at sa ginawa niyang ito, napansin niya gumagalaw ang dalawang tao sa likod ni Harry. Naghahalikan sina Mishka at Raymart.
Palinga-linga ang lalaki hanggang sa dumapo ang tingin sa tinatambayan ni Marco at ng guard. Lumakad papalapit sa dalawa ang lalaki. Ngumiti ang lalaki sa kanila. Ngumiti din si Marco, kasabay nang mas malalalim na paghinga.
Kinausap ni Marco si MIshka ukol sa nakita. Sinabi ni Mishka na hindi niya gusto ang nangyari. Hindi niya namalayan ang ginawa sa kanya ni Raymart. Nagkasundo ang dalawa na layuan na si Raymart.
Ngunit iba ito sa nangyari. Mas napadalas ang paglapit ni Mishka kay Raymart. Kinausap ni MIshka si Marco ukol kay Raymart. Mabait si Raymart. Hindi niya sinasadya. Alam ni Marco na gusto ni Mishka ang nangyari. At iyun ang masakit. Gusto mo rin pala, bakit hindi pa sa akin.
Mula noon, umiwas na si Marco kay Mishka. Masyado iyung masakit para sa kanya. Sabi, ang hindi mo ikinamatay ay iyong ikatitibay, ngunit sa pagkakataong iyun, hindi niya alam kung pinatitibay lang ba talaga siya, o gusto na siyang patayin.
Si Mishka na rin ang naghanap kay Marco. Isang uwian, sinabi ni Mishka na ginagawa ang kwarto niya at kailangan niya nang matutulugan. Alam na ni Marco ang susunod na sasabihin. Sige, sa bahay na lang. Umuwi sila sa bahay ni Marco. Magkatalikod. Natulog. Pero kapwa nila alam na gising pa sila.
Pumaling si Mishka kay Marco. Yumakap.
Tumalikod din si Marco at hinarap si Mishka.
Hinawakan ni Mishka ang kamay ni Marco.
Nagkatitigan sila.
Nagdikit ang kanilang mga labi.
Nagtanong si Mishka. Lagi mo ba itong ginagawa? Hindi sumagot si Marco. Muli silang naghalikan. Hanggang sa lumiwanag na ang labas. Kailangan na nilang pumasok.
Kung nagkaroon man sila ng usapan matapos noon, hindi na matandaan ni Marco.
Ngayon, matapos ang sampung taon, papalapit sa kanya ang lalaking ito. Hindi niya alam kung paano magsisimula, o kung may dapat bang simulan o baka naman may kailangang tapusin.
Kung anuman, inihanda na ni Marco ang sarili na sumubok na muling isuko ang lahat. Muling mangarap at hindi ibigay sa tadahana ang pagdedesisyon sa mga bagay na darating sa buhay niya.
Oo,marahil ngayon, tadhana ang nagbalik kay Marco kay Mishka. Ngunit ang pagpapanatili ni Marco sa kanilang dalawa, ang dapat niya noong pinaglaban, ang kinalimutan na niyang pangarap noong matapos ang halik na dumampi sa kanyang labi at humaplos sa kanyang kaluluwa, na sana ay maging kanya lang iyun, na maibigay sa kanya iyun nang paulit-ulit nang walang pagsisisi o paghingi ng kapalit o pag-iisip ng iisipin ng iba, ay gagawin na niya.
Bumilis ang tibok ng dibdib ni Marco. Hindi na siya sanay sa ganitong pakiramdam. Ngunit gusto niya ito. Isa itong masayang kaba, yung alam mong tumitibok ang puso mo dahil buhay ka pa pala talaga.
Lumapit ang lalaki. Nakinsindi. Nagsimula ng usapan.
“Pamilyar ka, Ateneo, ‘99?”
“UP. Baka kamukha ko lang.”

