ANG LIHIM NI FELINA (PUBLISHED UNDER KPub PH)
Pyhurrehunk · 1 chapter · 3,383 words
ANG LIHIM NI FELINA
Ako si Felina. Sa umaga, tindera ako ng suman. Sa hapon naman, Marites ako ng kanto. Sabi nila, ako raw ang reyna ng tsismis sa Dapitan. Pero tsismis na may puso, ha? Ako ’yung tipong Marites na hindi nagpapakalat ng kasingungalingan. Kung may ikakalat man akong kwento, kadalasan totoo. Kung hindi man, hinahaluan ko ng kaunting dasal para maging totoo. Kung tatanungin niyo naman ako, kung bakit? Simple lang. Ayaw ko rin naman ma-barangay.
Masayahin daw ako at mabilis matawa. Pero ang hindi nila alam, madali rin akong mapikon. Lalo na sa mga umuutang sa akin na ang sabi, magbabayad daw sa katapusan. Pero pagsapit ng singilan, ni Espiritu Santo nila, hindi ko na mahagilap.
Marami akong prinsipyo sa buhay. Isa sa mga pinaglalaban ko ay : “Ayoko magnobyo ng lalaking masungit.” Kasi kung ako nga masaya, bakit ako magpapakapagod sa taong mukhang palaging nangangasim at kinakabag?
Kaya noong una ko siyang makita, ay talaga namang hindi ako na-impress.
Nakaupo siya sa ibabaw ng malaking bato sa tabing-dagat. Malapit sa lugar kung saan ako madalas dumaan pauwi galing palengke. Nakayuko siya, hawak ang papel at pluma, habang tila ba pinproblema niya ang kinabukasan ng Dapitan.
“May kaliitan pero pwede na,” bulong ko. “Ang pogi sana kaso parang pinapasan niya lahat ng sama ng loob sa mundo.”
Hindi siya kumikibo. Hindi siya lumilingon. Parang galit pa nga siya sa hangin. At ang mga kilay niya? Nagtatalo sa gitna ng noo, para bang may digmaan sa utak niya.
Napahinto ako sandali. Tiningnan ko siyang maigi. At doon nagsimula ang lahat. Wala akong ideya na unti-unti nang sinisinghot ng puso ko ang presensiya niya.
Kinaumagahan, andun na naman siya. Nagsusulat siya doon sa ibabaw ng bato.
At ako rin. Siyempre, nagkataon lang na dumaan ako ulit. Eh, doon talaga ang daan pauwi. Pero bakit kaya may kaba na sa dibdib ko tuwing lumalapit ako sa lugar na ’yon? Parang may eksenang dapat mangyari. O baka ako lang ang gumagawa ng pelikula sa isip ko.
Tuwing makikita ko siyang nakaupo sa bato, nagsisimula na rin ang mga hula ko.
“Ah, baka espiya ng Kastila. Nagpapanggap lang. Pero ang misyon, hulihin kaming mga suman vendor na walang lisensya.”
“Baka naman manunulat ng komiks. ’Yung seryoso lang talaga ang tema na may iyakan, patayan, tapos may kabit.”
“Pwede ring iniwan ng nobya. Kaya ganyan ka-lungkot. Sa hitsura niya, siguro sinabi nung babae, ‘Hindi kita iiwan… pero paalam muna.’”
Kung anu-ano na ang naisip ko. Pero isang bagay lang ang sigurado. Hindi ko siya kilala. Pero araw-araw ko siyang inaabangan.
Hindi ko naman sinasadya. Pero sa tuwing umuuwi ako galing palengke, kahit hindi na dapat ako dumaan doon, napapadaan ako. Parang hinihila ako ng paa ko papunta sa may bato. Gusto kong makita kung naroon siya. At kapag andun nga, may ngiti agad sa labi ko.
May mga araw na umaasa ako na lilingon siya sa akin. Baka ngumiti. Baka magtanong. Pero wala. Tahimik siya. Walang imik. Hindi ako kilala.
Pero ako? Halos alam ko na ang kurba ng balikat niya. ’Yung paraan ng pag-upo niya. ’Yung kilos ng kamay niya kapag pinupunasan niya ang lente ng salamin niya gamit ang puting panyo. Oo, may salamin siya. At oo, napapansin ko na rin pati ang panyo niya. Ganyan na ako kalala.
“Bakit ba ako ganito? ’Di naman siguro ako nalipasan ng gutom, ano?” tanong ko minsan sa sarili habang kinakain ang tira kong suman sa baybayin.
Hindi ko alam. Hanggang sa sandaling ’yon, wala pa rin akong muwang, kung sino siya? Pero may parte sa puso ko na parang gusto kong makilala siya. Kahit mukha siyang masungit. Kahit malabong mapansin niya ako. Kahit mukhang napakalungkot ang mundong ginagalawan niya.
At doon sa batong ’yon na dinaan-daanan at parang ordinaryo lang sa iba, unti-unti na palang bumagsak ang puso kong pihikan sa lalaki.
Ilang araw ko na rin siyang inaabangan sa tabing dagat. Tila wala ako sa sarili. Kunwari naglalako ako ng suman. Pero, ang totoo ay gusto ko lang talaga siya masilayan. Kabaliwan man kung isipin, pero naging bahagi na siya ng araw ko.
Isang araw, habang kunwari’y pinupunasan ko ang buhangin sa basket ng suman ko, may dumaan na dalawang ale.
“Ay si Pepe, hilig talaga niya diyan tumambay,” sabi niya sa kasama niya.
Napalingon ako.
“Sino si Pepe?”
“Ayun, oh!” sabay turo sa lalaking may sariling mundo sa ibabaw ng bato. “Si Jose Rizal. Siya ’yung doctor na ine-exile dito, ’di ba? Ang dami ngang nagpupunta sa kubo niya para magpagamot. Bilib nga ang Dapitanon sa kaniya. Ang galing niya magpagaling ng sakit!”
DOKTOR SIYA?! Parang biglang may bumangon na pag-asa sa puso ko. Pambihira, hindi lang pala ito masungit na lalaking mahilig magsulat doon sa ibabaw ng bato, eh may silbi rin pala sa lipunan!
At doon nagsimula ang bago kong adhikain sa buhay. Hindi na baleng mawala sa katauhan ko ang pagiging dalagang Pilipina. Ang mahalaga ay mapalapit ako sa kaniya.
Kinabukasan, lumapit ako sa kubo ni Pepe. Nakapulupot ang panyo sa leeg ko, nagpupunas ng pawis kunwari, kahit madaling araw pa lang at malamig ang hangin.
“Ser, parang nilalagnat ako…” sabay hikab ko. Todo bigay ang pagkukunwari ko. “Tapos parang may ubo rin ako… at sipon. Pa-parang… broken hearted din.”
Tiningnan lang niya ako, tapos binigyan niya ako ng tinadtad na dahon.
“Pakuluan mo, ’to. Inumin tatlong beses sa isang araw.”
Ay, gan’un lang ’yun? Walang tanong, walang pag-alala kung buhay pa ako?
Kung akala niyo tapos na ’yon, hindi ako nagpa-awat. Kinabukasan ulit, bumalik ako sa kubo niya. Sa puntong ito, may benda ako sa paa.
“Ser, nadulas po ako sa batong iniiyakan ko gabi-gabi. Iniwan kasi ako ng nobyo kong tanod,” pagsisinungaling ko.
Tumango lang siya, “Ipahinga mo lang ’yan. Iwasan ang batuhan kung madaling madulas.”
Lintek! Walang “Kamusta ka?” Walang “Aba mag-ingat ka naman, ineng.”
Pero hindi ako sumuko. Pinangangatawanan ko na ang kabaliwan kong mapalapit kay Pepe.
Sa susunod na araw, pinahiran ko ng sili ang isa kong mata. Ang sakit, punyeta! Pumunta ulit ako sa kubo niya na may takip ang isang mata.
“Ser, parang may sore eyes ako.”
“Wala kang sore eyes,” kaswal na sagot niya.
“Lah! Ang saya! Ang galing mo, ser! Doktor ka nga talaga!” sagot ko sabay tawa. Wala siyang pake pero napansin ko ang pag-iling niya. Ibig sabihin napailing siya dahil sa akin. May epekto ako sa kaniya!
Dumating ang araw na wala na akong maisip na sakit. Pero hindi ako nagpatalo. Nilapitan ko siya habang siya’y nag-aayos ng halaman sa gilid ng kubo.
“Ser, tanong lang po… meron po ba kayong gamot sa… pagkainip sa taong hindi ka pinapansin?”
Huminto siya.
Tumitig sa ’kin.
Tapos sabay sabi, “Wala ako niyan, iha.”
Aba, sumagot! Sumagot siya! Ako naman, halos mahulog sa kilig. Todo ang tagumpay kong pagpapapansin sa kaniya!
Araw-araw, bago ako dumiretso sa palengke, dumaraan muna ako sa kubo niya para magdala ng bagong karamdaman. Minsan masakit ang bituka. Minsan ang daliri. Minsan nga sabi ko, “Ser, parang naninikip ang dibdib ko ’pag hindi kita nakikita…”
Nagtaas lang siya ng kilay. Pero alam kong nasasanay na siya sa akin. Alam kong inaabangan na rin niya ang pagdating ko, kahit hindi niya aminin.
Ako bilang simpleng nilalang na naglalako lang ng suman, naging reyna ng palusot, at pasyente ng pag-ibig.
At sa ngayon, masaya na ako sa ginampanan ko bilang opisyal na pasyente ni Pepe, dahil kahit hindi niya sabihin, hindi niya na rin ako kayang hindi pansinin.
Mula sa simpleng lagnat at sore eyes, umabot na sa mas maselang mga eksena ang mga pagsubok kong mapansin ni Pepe.
Lunes ng hapon…
“Ser, parang may bukol po ako rito sa batok…”
“Nasaan?”
“Uh… teka… ay… baka nawala na.”
“Felina.”
“Naku, alam mo pa pangalan ko! Ay este…baka ibang Felina ’yung iniisip mo.”
Sumilip ang ngiti ko. Siya? Wala. Mukhang na-stress pa lalo.
Sa Martes…
“Ser, bunutin mo na ’tong ngipin ko. Masakit na masakit na po!”
“Alin?”
“’To po.”
Tiningnan niya. “Wala namang sira.”
“Ha? Eh, masakit po, eh.”
At ngayon…
Pinakamatindi.
Nagkunwari akong hinimatay sa harap ng kubo niya. Gamit ko pa ang paborito kong panyo bilang props, may pa-slow motion tumba pa ako habang sumisigaw ng “Ay, ang ulo ko!”
Narinig ko pa siyang mahinang bumuntong-hininga. Tapos iniupo niya ako, tinapik ang pisngi.
“Felina, gising. Hindi gumagana ’to.”
Ay, kung hindi lang ako kunwaring hinimatay, sinapak ko na sarili ko sa kahihiyan.
Araw-araw akong talunan sa paandar, pero hindi ako sumusuko. Hanggang isang araw… habang inaabot ko sa kanya ang suman, bigla siyang ngumiti. Ngumiti. NGUMITI SI JOSE RIZAL.
Parang huminto ang mundo. Napabitaw ako sa suman. Tumama sa paa niya.
“Sorry po!”
Tiningnan niya lang ako. Pero andoon pa rin ang ngiti. Tapos tinanggap niya ang suman.
Ay susmaryosep, ayoko na… kaya ko na mamatay ngayon. Kaso hindi pa niya ako mahal.
Gabi.
Sa ilalim ng ilawan sa palengke, habang binabalot ko ang mga natirang suman, isinulat ko sa lukot lukot na lumang papel ang damdamin ko.
“Pepe,
Alam kong mas seryoso ka pa sa ulan ng Agosto, pero ako, seryoso rin. Sa’yo.“
Hawak ko na ang liham, handa nang ipasa, pero biglang umulan. Nabasa hanggang sa malusaw.
Kinabukasan, nagsulat ulit ako. Bago ko marating ang kubo niya, biglang dumaan si Aling Doray, nagbayad ng utang. Nawala momentum ko.
Sumunod na araw, handa na ulit ako. Biglang may kambing na sumingit at inagaw ang sulat sa kamay ko. Kinain. Bwisit na kambing.
Isang gabi, pauwi ako galing palengke. Nagkataong sabay kaming naglakad sa buhanginan. Tahimik siya. Ako, hindi mapakali.
“Ser Jose Rizal…”
Tumingin siya sa akin.
“Bakit ka laging andito?” Seryoso niyang tanong.
Napangiti ako.
“Baka sakaling mahalin mo rin ako.”
Tumigil siya sa paglakad. Tumingin siya sa akin. Hindi ngumiti, pero hindi rin umiwas. Parang may sinasabi ang mata niya na hindi ko maintindihan. Tahimik lang ako. Tiningnan ko siya. Hinintay kong magsalita.
Wala.
Tumuloy kami sa paglalakad, parang walang nangyari. Pero sa puso ko, parang may lumagitik. Parang may pintuang sinarado. Pero hindi pa naman nakalock.
Kaya bukas… susubok ulit ako. Kahit sakit pa ’yan ng balakang, baga, puso… gagawin ko.
Isang umaga habang naglalako ako ng suman, may dumating sa bakuran ni Pepe.
Isang banyagang babae, maputi na parang bagong laba, suot ang damit na mukhang ’di dumaan sa pawis o putikan. Yung tipong kahit sa palengke siya dumaan, mabango pa rin.
Naglakad siya papunta sa kubo ni Pepe. Ako, nagkukumpuni pa rin ng bagong dahilan para magpatingin sa doktor. Ngayong araw, plano kong sabihing baka may rabies ako. Nakagat ako ng manok.
Pero hindi na ako nakagalaw nang makita ko kung paano siya sinalubong ni Pepe.
Nagkatinginan sila. Tapos, nagyakap. Hindi basta yakap. Yung yakap na parang pang-ending ng teleserye. Yung tipong may background na musika na hindi ko marinig pero naramdaman ko.
Nanatili ako sa likod ng puno ng niyog, hawak ang papel kung saan nakasulat, “Dok, pakitingin po kung normal pa puso ko.”
Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatayo doon. Pero nang naghiwalay sila ng yakap at sabay pumasok sa kubo, saka lang gumalaw ang mga paa ko.
Sa mga sumunod na araw, parang naging multo si Pepe. Nandiyan siya, pero hindi ko na siya maramdaman. Kapag nag-aabot ako ng suman, hindi na tumatanggap. Kapag nagpapagaling ako ng “sakit,” simple lang ang sagot niya. Wala na ang konting ngiti. Wala na ang munting kilig.
At si Josephine Bracken? Laging naroon. Palaging nasa tabi niya. Parang reyna ng Dapitan. Ako? Awa ng Diyos, parang ekstra sa sariling buhay.
“Anong meron siya na wala ako?” Tanong ko sa sarili habang binabayo ang malagkit na bigas. “Bukod sa mestisang ilong, kutis na hindi kilala ang araw, at sapatos na walang putik?”
Pero ayun pa rin ako. Tanga. Araw-araw, sinusubukan pa ring lumapit.
Isang araw, tinanong ko si Pepe, “Ser, may gamot po ba sa sakit na hindi alam ng katawan, pero ramdam sa dibdib?”
Tumingin lang siya, tapos tinawag si Josephine.
Parang sinabuyan ako ng kaning lamig.
Lumipas ang mga buwan. Tahimik ang lahat. Tahimik na rin ako.
Umalis si Pepe. Wala man lang sinabi. Wala man lang isang, “Felina, alis muna ako, ha.” Wala. Isang araw, nakita ko na lang ang kubo niya… sarado, tahimik, bakante. Parang hindi na siya dumaan sa mundong ’yon. Parang binura siya ng hangin.
Hindi na ako nagtinda ng suman sa palengke. Hindi ko na kayang isigaw ang “Suman! Mainit pa!” Kasi ang boses ko, parang may nakabara. Parang bawat hiyaw, may piraso ng puso kong bumibitaw.
Ang mga tao, tanong nang tanong, “Felina, okay ka lang? Wala ka ng chismis para sa amin.”
Ngumiti lang ako. ’Yung ngiting walang lasa. Parang latang suman na wala sa dahon, nakabilad sa araw, hindi alam kung kailan maluluto.
Gabi-gabi, pumupunta ako sa tabing-dagat. Hindi ko rin alam kung bakit. Baka umaasa akong may makitang aninong pamilyar. Baka iniisip ko, baka bumalik siya. O baka naman gusto ko lang ilabas ang lahat ng hindi ko masabi noon. Lalo na ’yung hindi ko nasabi sa kanya.
Tapos, isang araw, dumating ang balita.
“Binaril si Pepe!” sigaw ng isang batang nagtatakbo sa palengke. Hawak niya ang diyaryo, punit na nga eh, pero malinaw ang nakasulat… “Jose Rizal, pinatay sa Bagumbayan.”
Tumigil ang mundo ko.
Para akong nalunod sa ingay ng palengke. Ang mga tao nagsisigawan, nagkakagulo. Ako, hindi makagalaw. Hindi makahinga.
Lumapit si Aling Doray, marahang binulong sa akin, “Felina… si Pepe… wala na raw.”
Hindi ko alam kung ano ang naramdaman ko. Wala. Walang luha. Walang iyak. Wala akong mailabas. Siguro kasi… hindi ko man lang siya naging akin.
Umuwi ako na parang multo. Dalang-dala ko pa ’yung basket ng suman kahit wala namang laman. Nakaupo ako sa harap ng dampa, hawak ang isang luma’t gusot na papel, laman ang sulat na dapat sa kanya.
Binasa ko sa sarili ko, habang nanginginig ang kamay ko…
“Pepe,
Kung may sandali lang ako na maging bahagi ng araw mo, kahit anino lang, tatanggapin ko.
Pero kung ang tadhana ay kay Josephine, ayos lang. Basta minsan, sana maalala mo. May babaeng nagtitinda ng suman sa Dapitan na tahimik kang minahal.“
Pinikit ko ang mga mata. At sa tunog ng alon sa gabi, naramdaman ko ang pagbitaw. Yung sakit na tinago ko. Yung pag-ibig na hindi ko kailanman naikumpisal.
Tapos na ang kwento namin. O baka nga, hindi man lang nagsimula.
Pero kahit gano’n…
Mahal ko si Pepe.
Kahit pa ako lang ang may alam.
Tahimik ang hapon. Wala nang simoy ng hangin. Tila pati dagat ay natutong manahimik. Nakaupo ako sa paborito kong bato sa tabing-dagat…’yung batong dating upuan niya. Dito ko siya unang nakita, unang pinanood, unang minahal.
At sa gitna ng katahimikan, bumabalik lahat…
Nakita ko siya, unang beses, parang eksena sa dulang hindi ko inimbita. Nakaupo sa ibabaw ng bato, seryosong nagsusulat, halos kainin na ng init ng araw. “Ang pogi sana… kaso parang pinapasan niya lahat ng sama ng loob sa mundo,” sabi ko pa noon sa sarili ko.
Araw-araw, andito siya. Araw-araw, andun na rin ako,kunwari lang nagtitinda ng suman sa may kalapit na kubo, pero ang totoo? Nag-aabang. Umaasang mapatingin siya kahit saglit. Isang sulyap lang. Isang sulyap na hindi ko kailanman nakuha.
Nagpapansin ako kay Pepe.
Nagsimula sa kunwaring sipon.
Kinabukasan, ubo.
Ilang araw pa, nagpatingin ako sa kanya ng “malabong pag-ibig.” Sabi ko, “Doktor ka raw. May gamot ka ba sa ’di ako pinapansin?”
Nagdadala ako ng suman. Wala man lang ngiti. Isang beses lang, nahuli ko siyang napangiti ng konti. Akala ko guni-guni ko lang. Pero para sa akin, sapat na ’yon para hindi na ako makatulog.
Nagpapanggap ako may bukol sa batok. Wala.
Nagpabunot ako ng ngipin kahit matibay pa.
Isang araw, hinimatay pa ako sa harap niya. Kuno lang. Pero hindi siya natakot. Umiling lang at binuhusan ako ng malamig na tubig. “Felina, hindi na ’to nakakatuwa,” sabi niya.
Tapos dumating siya.
Si Josephine Bracken. Niyakap siya ni Pepe. At ako? Ako ’yung extra sa likod ng eksena. Ako ’yung hindi nabanggit sa script. Ako ’yung hindi pinili. Lalo siyang naging mailap. Parang ako na lang ang pilit humahabol sa kwentong hindi naman para sa akin.
At ngayon, wala na siya. Pinatay siya sa Bagumbayan. Ang lalaking minahal ko nang palihim, wala na.
Isang gabi, sinulat ko ang lahat sa liham. Sinulat ko lahat ang damdaming ’di ko kailan man nasabi sa kaniya. Sinunog ko sa harap ng dagat. Pinanood kong tangayin ng hangin ang abo… kasabay ng huling luhang pumatak sa aking mga mata.
Tumayo ako. Tumingin sa dagat. At sa huling pagkakataon, nagsalita ako. Hindi para sa mga tao. Hindi para sa kasaysayan. Kundi para sa sarili ko.
“Ako si Felina. Wala sa mga libro, walang monumento. Pero kahit hindi niya ako minahal… Minahal ko siya. At para sa akin, sapat na ’yon.”
Ngumiti ako, kahit may luhang bumaba. Bumalik ako sa dampa, dala ang basket ng suman. Bukas, magtitinda na ulit ako. Kasi kahit paano, may alaala akong hindi kailanman nawala. At sa puso ko… Ako ang babaeng minsang nagmahal sa lalaking minahal ng bayan. Tahimik. Buo. At totoo.
“Mas maraming gata, apo. Huwag kang madamot sa pagmamahal… este, sa sangkap,” natatawa kong sabi habang ginagabayan ang maliit niyang kamay sa paghalo ng kaning malagkit at gata. Ang usok mula sa nilulutong suman ay tumatama sa mukha ko, pero hindi ko alintana. Sanay na sanay na ang balat ko sa init, pero iba ang init ng alaala, ’yung kayang tunawin pati ang pinakamatagal nang nakatabing damdamin.
Tahimik si Yumi, ang apo kong babae. Matalas ang mata, makulit din kapag gusto. Maya-maya, napahinto siya sa pagbalot at tumingin sa akin.
“Lola…”
“Oh?” tanong ko habang hinuhubog ang isang suman.
“Totoo bang… may crush ka raw kay Jose Rizal?”
Napahinto ako. Napatingin ako sa kanya, at sa likod niya, andun ang dagat… malawak, bughaw, at tila ba masyado nang maraming lihim na kinimkim.
Natawa ako ng mahina, pero may kirot sa lalamunan. “Sinabi ba ng nanay mo ’yan?”
Umiling siya. “Narinig ko lang sa palengke. Sabi ni Aling Doray dati raw may babae na gusto si Pepe pero hindi siya pinili. Ikaw raw ’yon.”
Napayuko ako. Kinuha ko ang dahon ng saging, pinunasan kahit wala namang dumi. Kailangan kong may ginagawa sa kamay, baka kasi manginig.
Tumingin ako sa dagat. Ang dagat na minsan nang naging saksi sa lahat.
“Oo,” mahinang sagot ko. “Pero sa akin lang ’yon. Isang lihim na pag-ibig na natangay ng hangin.”
Tahimik si Yumi. Ramdam ko ang tanong sa mata niya pero hindi niya sinabi. Kaya ako na ang nagkwento, kahit alam kong baka hindi niya pa ito lubos na maintindihan.
“Noong dalaga pa ako, apo… araw-araw kong inaabangan si Pepe sa may bato sa tabing-dagat. Sumasandal siya ro’n, nagsusulat. Parang galit sa mundo. Tahimik siya pero matalino. Maginoo rin , pero pagdating sa akin medyo mailap.”
“Ginoo siya, pero hindi akin,” dagdag ko, pilit ang ngiti. “Ginawa ko ang lahat para mapansin niya. Nagkunwaring may sakit, nagbigay ng suman, nagpatawa, kahit minsan lang siyang ngumiti. At nung gumaan na ang loob niya sa akin, akala ko may pag-asa. Pero dumating si Josephine…mestisa, maganda, galing sa malayo. Isang yakap lang, alam ko na. Wala akong laban.”
“Mahal mo siya, Lola?” tanong ni Yumi, mahina.
Tumango ako.
“Oo. At kahit hindi niya ako minahal… minahal ko siya.”
Bumalik sa alaala ko ang gabing sinunog ko ang liham sa tabing-dagat. Ang abo na tinangay ng hangin. Ang damdaming hindi ko na naibulalas. Hanggang ngayon, wala ni isang salita ang lumabas mula sa kanya para sa akin.
“Masakit, apo. Pero hindi lahat ng pag-ibig kailangang mapasaiyo. Minsan, sapat nang mahal mo siya, kahit sa’yo lang.”
Napaluha ako, hindi dahil sa sakit ng alaala, kundi dahil sa ganda ng pag-ibig na kahit hindi natupad, naging totoo.
Lumapit si Yumi. Yumakap siya sa akin. Mainit ang yakap ng bata, parang pahid sa lumang sugat.
“Lola, isusulat ko ang kwento mo. Para maalala ka nila.”
Ngumiti ako. Hindi ko kailanman inasam ang monumento o kasaysayan. Pero ngayong may batang gustong maalala ako, para bang nabuhay muli ang dating ako… si Felina, ang babaeng sumanera na nagmahal nang buo, kahit palihim.
“Salamat, apo,” bulong ko.
“Tara, balutin na natin ang suman.”
Tumawa kami. Sa gitna ng usok at gata, may alaala ng isang pag-ibig na hindi nabura… at isang kwentong sa wakas, may nakikinig.
Author’s Note: If you like reading the story, follow me for more.

