loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books)

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books)

vincentmanrique · 36 chapters · 37,488 words

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat

Volunteer ng Doctors to the Barrio Program si Dr. Wangga Marasigan at na-assign siya sa isang liblib na baryo sa isang malayong probinsiya. Dito niya nakilala si Ashton De Asis, isang misteryoso at napakatahimik na binata.

Nabulabog ang baryo nang magkaroon ng sunod-sunod na pagpatay na kagagawan ng isang halimaw. May ilang pinaghihinalaan pero walang ebidensyang magpapatunay ng kanilang kasalanan. Hanggang sa ang buong baryo na ang manganib sa pinsalang dulot ng halimaw.

Sino ang sangkot sa mga kakila-kilabot na pagpatay sa baryo? Ano ang kaugnayan dito nina Ashton at Wangga?

Cover Design by: Kynana (Monique Lopez)

One

ANG MATINGKAD na init ng araw ay lalong nagpasidhi sa maalinsangang paligid. Mula pa kanina sa airport pagkababa niya ng eroplano ay ramdam na ni Wangga ang hapdi na dulot ng init ng araw na nanunuot sa manipis niyang balat. Kabababa lang niya ng jeep at kailangan pa niyang sumakay ng tricycle na maghahatid sa kanya sa Baryo San Joaquin. Ang Baryo San Joaquin ay nasa liblib na bahagi ng bayan ng Monte Cristo. Ang lugar na iyon ay tila hindi pa naaabot ng sibilisasyon. Walang kuryente ang lugar kaya pagsapit ng alas-sais ng gabi kung kailan sinakop na ng dilim ang liwanag ay wala nang makikitang taong pagala-gala sa kalye. Iilang residente lang ng lugar ang may maayos na liwanag kung gabi na nagmumula sa generator. Pero ang malaking bahagi ng populasyon sa Baryo San Joaquin ay nagtitiyaga sa liwanag na dala ng lampara at gasera.

Pinara ni Wangga ang isang bakanteng tricycle na dumaan sa harapan niya.

“Kuya, magkano po hanggang Baryo San Joaquin?”

“Isandaan po, ma’am.”

“Ha?” gulat na sabi ni Wangga. “Ang mahal naman.”

“Malayo po kasi iyon, ma’am. Liblib na po ’yun,” katwiran ng drayber.

“Sige po, pakihatid na lang po ako roon.” Naisip niyang wala naman siyang choice kundi ang sumakay.

“Sakay na po kayo…”

Sumakay na siya at mabilis na pinatakbo ng drayber ang tricycle. Malayo rin ang itinakbo ng sasakyan. Mula sa bayan ay nakarating ito sa medyo bukid nang lugar kung saan puro mga puno at matataas na talahib na ang nakikita ni Wangga sa paligid. Napakalayo nga pala ng pupuntahan niya mula sa binabaan niya ng jeep kanina.

Maya-maya pa ay huminto ang tricycle sa harapan ng isang maliit na ilog.

Napatingin sa drayber si Wangga. “Dito na ba, kuya?”

“Hanggang dito na lang po tayo. Hindi ko maitatawid sa ilog itong tricycle,” sabi nito.

“Paano po ako makakalipat sa kabilang pampang?” tanong niya. Wala siyang nakikitang tulay na puwedeng daanan papunta sa kabilang bahagi ng ilog. Sa tingin niya ay may kalaliman ang tubig nito at imposibleng tawirin niya lalo pa at dalawang mabibigat na bagahe ang bitbit niya.

“Kailangan n’yo pong tumawid,” sagot nito sa kanya. “Ano po ba ang gagawin n’yo diyan? May dadalawin po ba kayong kamag-anak?”

“Doktor po ako ng gobyerno. Galing po ako sa Maynila. Dito ako in-assign sa Baryo San Joaquin.”

“Naku!” tila nabiglang sabi ng drayber.

“Bakit po? May problema po ba?” tanong ni Wangga.

Umiling ang drayber. “Wala po, Doktora.”

“Paano ba ako makatatawid sa kabila? Bakit ba kasi walang tulay dito?”

“May tulay na kawayan po dati diyan, Doktora. Pero nasisira tuwing bumabagyo at ’pag tumataas ang tubig dito sa ilog. Kaya ayan, wala nang tulay ngayon.”

“Hindi po ba malalim ’yan?”

“Hanggang baywang lang po siguro. Hindi naman masyadong malalim,” paniniguro ng drayber.

Napaisip si Wangga. Wala pala siyang choice kundi magpakabasa sa pagtawid sa ilog.

“Kuya, puwede mo ba akong tulungang makatawid sa kabila?” pakiusap ni Wangga. “Mabigat kasi itong bagahe ko. Baka tangayin ako ng agos ng ilog kapag sinuong ko ’yan. Dadagdagan ko na lang ang bayad ko sa’yo.”

“Sige, Doktora tutulungan kita. Pero hanggang sa makatawid lang, ha? Hindi na kita maihahatid hanggang sa barangay,” sagot nito na bakas sa mukha ang pagkabahala. “Kailangan kong makabalik kaagad sa bayan.

“Okay lang po. Ang importante makalipat ako sa kabila. Ako na ang bahala kapag andun na ako.”

Dinampot ng drayber ang isa sa dalawang maletang dala ni Wangga. “Itatawid ko na po ito.”

“Sige, kuya. Dito na lang muna ako. Titingnan muna kita. Para makita ko kung hanggang saan ang lalim ng ilog.”

Tumango ang drayber at sinuong na ang ilog.

Bandang gitna ng ilog ay umabot nga sa baywang ng drayber ang tubig. Kailangang matibay ang tuhod ng sino mang tatawid. Kung hindi, maaring matumba ito dahil sa mabilis na agos ng tubig.

Maya-maya ay nakita ni Wangga na pabalik na sa kanya ang drayber. Mas mabilis ang kilos nito ngayon dahil wala na itong dala. Pagsapit sa pampang ay agad nitong dinampot ang isa pang bagahe ni Wangga.

“Sumabay na kayo sa akin, Doktora. Para mahawakan ko kayo habang tumatawid.”

“Oo, sige.” Nag-aalangan man ay wala nang nagawa si Wangga kung hindi tumawid na rin. Pinasan ng lalaki ang bagahe ni Wangga habang ang kanang kamay nito ay nakahawak sa braso niya.

Madulas pala ang mga batong natatapakan niya. Mabuti na rin na hindi na niya hinubad ang suot na rubber shoes. Mas mahirap kung anong matulis na bagay ang matapakan niya sa ilog. At least, hindi siya kaagad masusugatan dahil nakasapatos siya.

Halos umabot sa dibdib ni Wangga ang tubig ng ilog nang sumapit sila sa bandang gitna. Mas matangkad kasing ’di hamak kesa sa kanya ang drayber kaya hanggang baywang lang nito ang tubig. Mabuti na lang at nakahawak sa kanya ang lalaki. Mabilis siyang nakakahakbang nang hindi inaalalang madadapa siya dahil sa pagkakadulas sa malumot na bato.

Nang marating nila ang kabilang pampang ng ilog ay inabutan ni Wangga ng limandang piso ang drayber. “Maraming salamat, kuya. Pasensya ka na, nabasa tuloy ang pantalon mo.”

“Walang kaso ito. Ayos lang,” sagot nito habang palinga-linga sa paligid. Napalinga-linga rin tuloy ang doktora.

“Aalis na po ako,” muli ay sambit nito.

“Maraming salamat, kuya. Ano nga pala ang pangalan mo?”

“Mateo…”

“Ako si Dr. Wangga Marasigan,” pagpapakilala niya.

“Ah, Doktora…” nag-aalangan man ay naglakas-loob ang drayber na muli siyang tawagin.

“Bakit?”

“Mag-iingat po kayo sa lugar na pupuntahan mo,” pabulong na sabi nito.

“Bakit? Ano ang dapat kong pag-ingatan sa lugar na ito?” nagtatakang tanong niya.

“Basta, doktora. Mag-iingat ka. Pagsapit ng gabi, siguruhin mong nakakandado lahat ng pinto ng bahay na tutuluyan mo. At kahit ano pa ang marinig mo tuwing gabi, huwag na huwag kang lalabas.” Ang kaseryosohan ng mukha ni Mateo ay nagpatayo sa balahibo ni Wangga.

Nagpatuloy ang lalaki. “Delikado, doktora. Napakadelikado. Kaya mag-iingat ka.” Nakita ni Mateo ang isang paparating na lalaki. Nakatalikod si Wangga rito kaya hindi niya ito nakita. Kaagad na nagpaalam ang drayber sa kausap. “Sige po, aalis na ako.”

“Sige…” Nagtataka man ay hindi na nakapagtanong pa si Wangga dahil hayun at tumatawid na sa ilog ang lalaki pabalik sa tricycle nito.

Pagpihit ni Wangga sa likuran niya ay bahagya siyang napatili dahil sa lalaking nakalapit na pala sa kanya nang wala siyang kamalay-malay. Kaagad siyang humingi ng dispensa sa lalaki. “Pasensya na. Nagulat lang ako.”

Hindi sumagot ang lalaki. Nanatili lang itong nakatingin sa kanya.

“Papunta ako sa bahay ng kapitan ng Baryo San Joaquin. Maaari mo bang ituro sa akin ang daan papunta roon?” Habang nagsasalita ay inaaral ni Wangga ang itsura ng lalaki. Matangkad ito. Siguro ay aabot ng anim na talampakan ang taas nito. Ang mukha ng lalaki ay napakaguwapo. Malamlam ang mga mata nito na binagayan ng ilong na tila perpekto ang tangos. Ang labi nito ay likas na mapula at mahihiya ang isang babaeng ang labi ay pinapula lang ng lipstick. Malapad ang balikat nito na tila ba isang modelo. Maganda ang tindig ng lalaki. Walang bakas ng taba sa katawan nito. Ang kulay nitong moreno ay mas nagbigay ng macho look sa lalaking hindi naman nagsasalita.

Binuhat ng lalaki ang dalawang bagahe ni Wangga. “Sumunod ka sa akin.”

“Ay! Nagsasalita ka pala.” Totoo ang pagkagulat niya. “Akala ko kasi, hindi.”

Hindi na muling sumagot ang lalaki. Naglakad na lang ito bitbit ang mga bagahe niya kaya wala na siyang nagawa kundi sundan ito.

Bigla siyang nakarinig ng tunog ng ewan kung anong hayop iyon. Bigla ay nakaramdam si Wangga ng kakaibang kilabot sa kanyang katawan na nagpabilis sa kanyang paghakbang.

Two

“ITO ANG bahay ng kapitan. Tumawag ka na lang, nasa loob lang siya ng bahay. Aalis na ako,” sabi ng lalaki habang ibinababa ang mga bagahe ni Wangga at pagkatapos ay agad itong naglakad papalayo.

“T-teka muna! Anong pangalan mo?”

Huminto ang lalaki at nilingon si Wangga pero hindi nito sinagot ang tanong ng doktora. Nagpatuloy na ito sa paglalakad hanggang sa tuluyan nang mawala sa paningin niya.

Pinagmasdan niya ang bahay ng kapitan. Isang palapag lang ito na gawa sa semento. Wala pa itong palitada kaya litaw ang hollow blocks na nagsisilbing pader.

“Tao po! Tao po!” Siniguro ni Wangga na eksakto ang lakas ng boses niya para marinig ito ng kung sino man ang nasa loob ng bahay.

Isang may edad na babae ang lumabas. Siguro ay nasa sisenta na ang edad nito. “Ano ang kailangan mo?” tanong nito nang hindi inaalis ang tingin kay Wangga.

“Magandang hapon po. Ako po si Dr. Wangga Marasigan ng Doctors to the Barrio Program ng gobyerno. Ako po ang naka-assign na doktor dito sa Baryo San Joaquin. Nandiyan po ba ang kapitan del barrio?” Pakiramdam niya ay iniinspeksyon siya ng kausap base sa mapanuring tingin nito sa kanya.

“Nandito siya sa loob. Pumasok ka,” sabi nito sa napakaseryosong tono.

Binuhat niya ang dalawang malaking bagahe habang papasok sa bahay.

“Maupo ka muna. Tatawagin ko lang ang anak ko.” Hindi pa rin nagbabago ang timbre ng boses ng matandang babae.

Pagbalik ng matandang babae ay kasama na nito ang isang lalaking nasa trenta y singko anyos na. Malawak ang pagkakangiti nito. “Magandang hapon, doktora. Ako si Celso Pelaez, ang kapitan del barrio. Nasabi na sa akin ng nanay na ikaw ang pinadala ng gobyerno rito sa aming baryo. Naku, malaki ang maitutulong mo sa amin dito. Medyo matagal na rin kaming walang doktor kaya napakahirap kapag may nagkakasakit lalo na kung mga bata,” mahabang sabi ng kapitan. “Masaya ako na nandito ka na, doktora.”

“Maraming salamat po. Saan po ang barangay health center? Para mailagay ko na po itong mga bagahe ko.”

“Halika, sasamahan kita.”

“Sige po…” Dinampot niya ang kanyang dalawang bagahe.

“Akin na ’yang isa,” sabi ng kapitan.

Iniabot ni Wangga ang isang bagahe sa kapitan at magkasunod silang lumabas ng bahay para pumunta sa barangay health center.

Nadatnan nilang sarado ang health center. Kung sabagay, alas singko na ng hapon, at kung ganitong wala namang doktor sa baryo ay asahan nang lagi ring sarado ang health center maliban na lamang kung binubuksan ito tuwing umaga para panatihing malinis sa loob. Mukha namang maayos ang health center na gawa rin sa semento bagamat may kalumaan na ang pintura ng pader nito.

“Ito ang health center namin. Halika sa loob.” Dinukot ng kapitan ang susi sa kanyang bulsa at pagkatapos ay binuksan ang pinto.

Nang makapasok sila ay napansin ni Wangga ang kaayusan ng loob. Konting walis at punas lang ng sahig ang kailangan. Ang jalousie window glass ay maayos din maliban sa bintanang malapit sa kusina kung saan ang jalousie na nasa pinakamataas na bahagi ay sira na at hindi basta-basta naisasara.

“May isang kuwarto doon. Puwedeng doon ka matulog. Ayun naman ang toilet. Huwag kang mag-alala, sakop naman ng generator itong health center kaya may kuryente ka. Kaso ’pag gabi lang. Tiis-tiis tayo sa init kapag umaga.”

“Maraming salamat, Kapitan Celso.”

“Kailangan mo ba ng makakatulong para mag-ayos ng mga dala mo?” tanong ng kapitan. “Papupuntahin ko rito ang sekretarya ng barangay.”

“Hindi na po,” tanggi ni Wangga. “Kaya ko na ’to. Ako na lang po ang bahala rito.”

“O, sige… Aalis na ako. Padadalhan na lang muna kita mamaya ng hapunan.”

Saka lang naalala ni Wangga na hindi pa nga pala siya kumakain mula kanina pagkababa niya ng eroplano. Nakalimutan na niya. Buti hindi siya nakaramdam ng gutom. Pero may dala naman siyang instant ramen, de lata at tinapay. Puwede na iyon na hapunan niya. Bukas na lang siya bibili ng bigas at iba pang kakailanganin niya sa lugar na iyon.

“Huwag na po. May tinapay po ako rito. Hindi po ako naghe-heavy meal ’pag dinner.”

“Ah, ganoon ba? Okay, basta kapag may kailangan ka, pumunta ka lang sa bahay. Aalis na ako.”

“Opo,” sabi niya kasabay ang pagtango. “Salamat po ulit.”

Pagkaalis ng kapitan ay inilabas niya ang laman ng isang bagahe niya. Iba’t-ibang klase ng mga gamot iyon at iba pang mga kakailanganin niya sa panggagamot gaya ng syringe, gauze, bulak, medical tape or surgical tape at iba pang mga medical paraphernalia. Inayos niya sa isang kabinet at mga iyon para madali niyang hanapin kapag kinailangan na. Sa isang bagahe naman niya ay naroon ang kanyang mga damit at ilang personal niyang pangangailangan. May dala rin siyang isang kumot pero wala siyang dalang unan. Naroon din ang mga baon niyang pagkain na aabot din siguro ng ilang linggo.

Nang matapos ay nakahinga na siya nang maluwag. At saka niya naramdaman ang pagod. Pumunta siya sa pinto at ni-lock iyon pagkatapos ay nagtungo sa kuwartong nakalaan sa kanya. Papag lang ang naabutan niyang puwedeng higaan doon kaya kumuha muna siya ng walis at pinagpag niya ang mga alikabok sa papag. Nagwalis na rin siya sa loob ng silid para maayos niya itong magamit ngayong gabi. Nang matapos maglinis ay mabilis siyang naligo upang linisin naman ang sarili lalo na at nabasa ang suot niya nang tawirin niya ang nadaanang ilog.

Presko na ang pakiramdam niya nang matapos maligo. Nagsuot na lang siya ng manipis na puting t-shirt at dilaw na casual shorts. At dahil sa pagod sa naranasan sa biyahe, agad siyang inatake ng matinding antok. Inilatag niya sa papag ang dalang kumot at saka kunuha ng isang extra bath towel niya at tinupi para gawing pansamantala niyang unan. Hindi na lang siya magkukumot ngayong gabi. Humiga sa papag si Wangga at kasunod noon ay wala na siyang nalaman pa dahil sa mahimbing niyang pagkakatulog.

Nagising lang si Wangga nang makaramdam siya ng pananakit ng kanyang sikmura. Gutom na siya. Nag-aalburoto na ang kanyang bituka. Bumangon siya at kinapa kung nasaan ang switch ng ilaw. Nang lumiwanag na ang silid ay saka niya kinuha ang tinapay at palaman at agad na nilamnan ang kanyang tiyan. Nakaubos siya ng dalawang sandwich. Hinanap niya ang baon niyang mineral water at uminom. Tiningnan niya ang suot na wrist watch. Alas dose y medya na pala. Mahaba na rin ang naitulog niya. Kinuha niya ang kanyang cellphone at laking dismaya niya nang makitang wala siyang signal. Saglit na nag-isip si Wangga. Paano na lang siya makakakontak sa pamilya niya sa Maynila kung walang signal ang cellphone dito? Ibinalik niya sa bag ang telepono. Nawala na ang antok niya. Siguradong mamaya pa siya makakatulog muli. Minabuti niyang magbasa na lang muna. May dala siyang isang makapal na libro. Kinuha niya ito sa bag at pumuwesto sa papag para maumpisahan ang pagbabasa.

Noon siya nakarinig ng tila pagaspas ng isang lumilipad na malaking ibon. Alam niya, malaki ang ibon na iyon para makalikha ng ganoong tunog. At nasa malapit lang iyon!

Malapit?!

Napatingala si Wangga sa kisame at pinakiramdaman ang paligid. Ano’t tila nabuhay ang kilabot sa kanyang katawan.

Bigla ay narinig niya ulit ang pamilyar na tunog na narinig niya rin kanina habang naglakakad sila nung lalaking naghatid sa kanya sa bahay ng kapitan.

Ano ba ang tunog na iyon? Bakit nakakikilabot?

Three

MAAGANG NAGISING si Wangga kahit hindi naman siya gaanong nakatulog noong nagdaang gabi. Hindi niya maintindihan ang sarili. Parang hindi maganda ang pakiramdam niya sa lugar na ito. Naalala niya tuloy nag sinabi sa kanya ng tricycle driver na naghatid sa kanya sa lugar na iyon. Pinag-iingat siya nito. At bakit? Anong meron sa lugar na ito na dapat niyang pag-ingatan?

Naligo siya at inayos ang sarili. Pagkatapos ay nilinis niya ang loob ng health center. Siniguro niyang nailagay na niya sa mga kabinet ang dala niyang mga gamot. Nang sa tingin niya ay ayos na ang lahat, binuksan niya ang health center. Laking gulat pa niya nang makitang marami nang mga residente ng barangay ang nag-aabang sa muling pagbibigay serbisyo ng health center na iyon sa kanilang lugar.

“Doktora, mabuti at gising ka na pala.” Sa karamihan ng tao ay nagsalita si Kapitan Celso. “Pinulong ko na sila kanina at ibinalitang magbubukas nang muli ang health center simula ngayong araw. Kaya heto na sila at mga nagsipila na.” Bumaling si kapitan sa mga tao. “Mga kabarangay, ipinakikilala ko sa inyo si Dr. Wangga Marasigan. Siya na ang doktor natin dito sa barangay simula ngayon.”

“Magandang umaga, kapitan.” Ngumiti siya rito. “Magandang araw po sa inyong lahat,” bati niya sa mga residente ng barangay. “Akala ko po maaga na ang gising ko, mas maaga pa pala kayong nagising kaysa sa akin.”

“Huwag kang mag-alala, doktora. Maaga pa naman talaga. Alas-siete pa lang. Sanay lang talagang gumising nang maaga ang mga tagarito,” paliwanang ni kapitan. “Siyanga pala, ito si Laarni. Siya ang barangay secretary namin dito at inatasan kong tumulong sa’yo rito sa health center. Kung mangangailangan ka pa ng ibang tauhan, sabihin mo lang sa kanya para siya na ang direktang kumausap sa akin.”

Napatango si Wangga. “Salamat, kapitan.” Napagawi ang tingin ni Wangga sa bahay ni kapitan na halos nasa tapat lang ng health center. Nakita niya ang nanay ni Kapitan Celso. Ito iyong matandang babaeng napagtanungan niya kagabi na medyo masungit sa kanya. Ewan pero bakit parang matatalim ang titig nito sa kanya nang magtama ang kanilag tingin? Galit ba sa kanya ang matandang babae? Pero bakit? Kagabi lang naman niya ito nakilala. Well, hindi pa nga sila nagkakakilala nang pormal. Alam lang niyang ito ang ina ni Kapitan Celso.

“O, paano mga kabarangay? Iyong mga maysakit na gustong magpakonsulta kay doktora, pumila na kayo diyan. Iyong mga walang sakit, makakauwi na kayo sa inyong mga bahay.” Nagpasalamat kay Kapitan Celso ang mga residente ng barangay at saka nagsiuwi na ang karamihan. Naiwan sa labas ng health center ang may sampung katao na magpapa-check up kay Wangga.

“Pumasok po tayo sa loob,” anyaya ni Wangga sa mga pasyente. “Laarni, halika na rin dito.”

Pagkapasok ay pinaupo muna niya ang mga pasyente. “Dito po muna kayo umupo. Tatawagin ko po kayo isa-isa. Kapag tinawag ko na po kayo, pupunta po kayo doon sa silid na iyon.” Itinuro pa niya ang gawi kung nasaan ang silid na sinasabi niya.

Bumaling si Wangga kay Laarni. “Ito ang magiging mesa mo. Pakikuha naman ang mga pangalan nila at edad. Gawan mo na rin sila ng file para sa tuwing pupunta sila rito ay makikita natin kung kelan sila huling na-check up at kung ano ang mga ginawa nating pagsusuri sa kanila.”

“Opo, doktora.” Si Laarni ay nakangiti nang sumagot. Sa tingin ni Wangga ay nasa dalawampu’t tatlong taong gulang pa lang ito.

“May index card diyan sa cabinet. Doon mo na lang isulat ang record nila.”

Tumango si Laarni habang nakangiti pa rin.

Nagsimula nang suriin ni Wangga ang mga pasyente. Isa-isa na itong pumasok sa silid niya at doon ay inalam niya kung ano ang mga sakit na idinaraing ng mga ito.

Bago mag-tanghali ay natapos nang suriin ni Wangga ang sampung pasyente. Hindi naman malalang sakit ang ikinonsulta ng mga ito. Karamihan ay ubo at sipon lang, samantalang iyong iba ay lagnat at pananakit ng katawan.

Pagkatapos ng huling pasyente ay lumabas na sa silid niya si Wangga at pinuntahan si Laarni. “Kumusta ka diyan?” tanong nito sa barangay secretary na naging assistant niya sa health center.

“Okay naman ako rito, doktora. Nag-e-enjoy ako sa ginagawa ko. Mas mabuti ito kaysa sa trabaho ko bilang barangay secretary na madalas eh nag-i-issue lang naman ako ng mga barangay clearance. At least dito, nakakausap ko ang pasyente, inaalam ko iyong mga ilang detalye nang pinagmulan ng mga nararamdaman nilang sakit at kung anu-ano pa. Tingin ko tuloy, doktora na rin ako,” natatawa niyang sabi. “Parang ang sarap maging doktor.”

“Ilang taon ka na, Laarni?”

“Twenty-four po.” Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi nito.

Natawa si Wangga. “Muntik na akong tumama. Akala ko twenty-three ka lang.”

“Kaka-twenty-four ko lang po noong nakaraang linggo, doktora.”

“Ganoon ba? Naku, sayang. Sana pala napaaga ang pagpunta ko rito para nakatikim ako ng handa mo.”

“Nagluto lang naman ako ng pansit. Hayaan mo, doktora ipagluluto na lang kita ng pansit kapag nakapunta ako sa talipapa.” Napatingin si Laarni sa wall clock. “Naku, doktora alas dose na pala. Oras na para mananghalian. Puwede po bang umuwi muna ako para makakain? Sumama ka na rin po sa akin, sa bahay ka na lang mananghalian.”

“Hindi na. May noodles naman at de lata diyan. Iyon na lang muna ang kakainin ko.”

“Sigurado po kayo?” paniniguro ni Laarni.

“Oo,” tumatangong sagot ni Wangga. “Umuwi ka na para makabalik ka kaagad.”

“Sige po, doktora. Kumain na rin po kayo, ha?”

Nginitian niya ang kausap.

Pagkaalis ni Laarni ay pumasok siya sa lugar na nagsisilbing kusina sa bahaging iyon ng health center. May gas stove roon at mga kagamitang panluto. Nagsalang siya ng tubig at habang hinihintay itong kumulo ay kumuha siya ng isang instant ramen sa cabinet.

Pabalik na siya sa kusina nang muli niyang marinig ang isang pamilyar na tunog na narinig niya kahapon at kagabi. Iyong tunog na nagbibigay sa kanya ng kakaibang kilabot. Napabilis ang paghakbang niya papunta sa kusina. Maya-maya ay nawala rin ang kakaibang tunog na iyon.

Binuksan niya ang instant ramen at nilagyan ng bagong kulong tubig. At saka niya naalalang wala siyang kutsara. Naroon sa bag niya ang ilang pirasong kutsara at tinidor na dala niya.

Pumihit si Wangga para kunin sa silid niya ang kutsara sa silid. Muntik na siyang mapasigaw nang sa pagpihit niya ay halos mabunggo siya sa katawang nasa harapan niya. Nakilala niya ang nanay ni Kapitan. Bakit pumunta sa kanya ang matandang babae?

“Magandang tanghali po. May kailangan po ba kayo?” Hindi maintindihan ni Wangga ang kanyang nararamdaman. Bakit kakaiba ang pakiramdam niya kapag nakikita niya ang ina ni Kapitan Celso.

Nanlaki ang mga mata ni Wangga nang magsalita ang babae. “Huwag kang makikialam sa mga bagay na hindi mo dapat panghimasukan!” Halos pasigaw ang pagsasalita nito at ang boses ay malaki at malalim. Ibang-iba sa boses nito kahapon.

“Ho?” Bahagya siyang napaurong. Muntik pa niyang matabig ang instant ramen.

“Kung ako sa’yo, aalis na ako sa baryong ito. Hindi ka na dapat pang magtagal sa lugar na ito!”

Pagkasabi noon ay parang walang anuman na umalis ang matandang babae. Naiwang nagtataka si Wangga. Pagtatakang may kasamang pangamba.

Ano ang ibig sabihin ng matandang babae na hindi siya dapat pang magtagal sa lugar na ito?

Four

ALAS-SAIS ng gabi isinara ni Wangga ang health center. Mukhang magtitiyaga na naman siya sa de

lata ngayong gabi. Okay lang naman. Hindi naman siya maarte pagdating sa pagkain, pero bukas ay sisiguruhin niyang makapunta sa talipapa para naman makabili siya ng ibang makakain. At kailangan rin nga pala niyang bumili nang maayos na sapin sa higaan kung ayaw niyang patuloy na pagtiyagaan ang sapin niyang kumot at tuwalyang unan. Sayang. Sana pala ay nagpasama na siya kanina kay Laarni bago ito umuwi. Mabait naman ang barangay secretary at laging tinatanong kung okay lang ba siya.

Nang masigurong naka-lock na ang mga pinto ay nagpasya siyang maligo. Malamig ang tubig. Iba sa pakiramdam sa sandaling lumapat na sa balat ang dala nitong ginaw. Mabilis niyang tinapos ang paliligo. Maghahanda pa siya ng hapunan. Buti na lang at pinagdala siya ng mama niya ng bigas. May kasama pa ngang mineral water at asin. Iyon daw ang dapat na kasama sa una niyang ipapasok sa kanyang titirhan dito. Hindi niya alam kung bakit o para saan iyon. Hindi na rin naman siya nag-abala pang magtanong. Kabisado na niya ang mama niya na mahilig sumunod sa mga pamahiin. Ngayon, isasaing niya ang bigas na ipinadala ng mama niya. Tamang-tama dahil kahapon pa siya hindi nakakakain ng kanin.

Sarap na sarap si Wangga sa kanyang hapunan. De latang hot and spicy tuna ang ulam niya. Parang isang taon siyang hindi nakatikim ng kanin. Sarap na sarap siya habang sinasaid ang natitirang tuna sa mangkok. Napakasimple ng pagkain niya kung tutuusin. Pero tila isang masarap na steak ang kanyang nilalantakan. Ganoon yata talaga kapag gutom, nagiging espesyal sa panlasa ang kahit na ano pang klase ng pagkain.

Nang mailigpit ang pinakainan ay muling hinarap ni Wangga ang pagbabasa. Hindi pa niya natatapos ang librong inumpisahan niyang basahin sa eroplano pa lang. Mabuti naman at may magagawa siya habang hindi pa inaantok. Nalibang siya sa pagbabasa. Hindi niya namalayan ang oras. Alas-onse

y

medya na nang patayin niya ang ilaw at magpasya nang matulog.

“Doktora! Doktora, tulungan mo kami! Doktora!” Sunod-sunod na pagkalampag sa pinto ang narinig niya kasabay ng pasigaw na paghingi ng tulong ng isang lalaki.

Binuksan niya ang ilaw at agad na nagtungo sa pinto. “Sino ’yan?” Hindi niya muna binuksan ang pinto. Naalala niya ang sinabi kanina ng ina ni kapitan at nakadama siya ng takot.

“Doktora, ako si Gimo. Tagaroon ako sa ibayo. Tulungan n’yo ako, doktora. Ang asawa ko, manganganak na ang asawa ko. Nahihirapan ang komadrona kaya pinuntahan ko na kayo rito.”

Saka lang binuksan ni Wangga ang pinto. Tumambad sa kanya ang isang lalaking siguro ay nasa mahigit kuwarenta na ang edad.

“Tulungan mo ang asawa ko, doktora,” pagsusumamo nito.

“Teka lang po, kukuha ako ng gamit.” Mabilis ang ginawa niyang pagkilos. Kinuha niya ang kakailanganing mga gamit at saka bumalik kay Gimo.

“Tayo na, doktora.”

“Malayo ba ang bahay n’yo?” tanong ni Wangga sa natatarantang si Gimo.

“Medyo malayo, doktora. Doon kami sa ibayo.” Mabilis ang mga hakbang ni Gimo kaya napapabilis din ang paghakbang ni Wangga. Tanging ang flashlight mula sa celphone ni Wangga ang tanglaw nila sa madilim na daan. May silbi pa rin pala kahit paano ang cellphone niya. Hindi man niya magamit dahil walang signal, nagamit naman niya bilang flashlight.

“Bakit po hindi n’yo siya dinala kaninang umaga sa center? Eh, ’di sana na-check up ko siya.”

“Kaarawan kasi ng isang anak namin, doktora. Naging abala siya sa pagluluto ng konting maihahanda para sa aming bunso,” magalang na sagot ni Gimo. “Pasensya na kayo, doktora. Dis-oras ng gabi, inaabala ko pa kayo.”

“Huwag n’yo hong isipin ’yon. Ganoon talaga ang trabaho ng mga doktor, walang pinipiling oras.” Napansin niya na tila magubat ang kanilang dinadaanan. Iilan lang ang mga bahay na nadaanan nila.

Halos labinlimang minuto rin silang naglakad bago nila narating ang bahay. Inabutan nilang nakahiga ang asawa ni Gimo at inaalalayan ng may edad na ring komadrona. Maging ang dalawang anak ni Gimo ay gising na rin at naroon sa silid nilang mag-asawa.

“Bumalik na kayo sa kuwarto n’yo at matulog,” utos ni Gimo sa dalawang bata na agad namang tumakbo pabalik sa kanilang silid.

“Anong pangalan ng asawa mo?” tanong niya.

“Dolores po, doktora.”

Nagsuot ng gloves si Wangga at lumapit sa asawa ni Gimo. Sinuri niya ito.

“Lalabas na ang bata. Nakakapa ko na ang ulo niya,” deklara ng doktora. “Huminga kayo nang malalim, misis. Pagkatapos, umire kayo. Isang bigay-todong ire, misis.”

Tumalima ang babae sa utos ni Wangga. Isang matinding pag-iri ang ginawa niya.

“Push, misis.”

“Hmmpptt!”

“Isa pa, misis. Itodo mo na. Push, misis. Push!”

Isang matinding pag-iri pa at dire-diretsong lumabas ang sanggol. Malalaking butil ng pawis ang namuo sa mukha ng ginang ngunit bakas sa mukha nito ang kaligayahan ng isang ina matapos makapagsilang. Isang tapik sa puwet ng sanggol at pumalahaw ito ng iyak.

Nang lumabas na rin ang inunan ay agad na pinutol ni Wangga ang pusod ng sanggol at nilagyan ng bulak na may alcohol. Tapos ay tinakpan niya ito ng gasa.

Nilinisan ni Wangga ang sanggol at kaagad na ibinalot sa lampin.

Tinulungan naman ng komadrona na makahiga nang maayos ang nanganak na maybahay ni Gimo.

Tuwang-tuwa si Gimo nang kalungin sa unang pagkakataon ng bagong silang na sanggol. Pagkatapos ay ipinatong niya ito sa dibdib ng kanyang asawa.

“Maraming salamat, doktora. Ako nga po pala si Adelaida, ang komadrona ng baryong ito.”

“Ikinagagalak ko po kayong makilala. Ako po si Dr. Wangga Marasigan.”

“Kinakabahan na ako kanina, dahil ang tagal lumabas ng sanggol. Mabuti at dumating kayo. Kasi pagdating n’yo parang naging excited ang sanggol at lumabas kaagad.”

“Doktora…” Napatingin si Wangga kay Gimo. “Ihahatid ko na po kayo sa center. Si Adelaida na lang muna ang bahala rito. Kailangan n’yo nang magpahinga.”

“Sige… Iiwan ko na rito itong alcohol, bulak at iba pang magagamit ng baby. Babalik na lang ako para macheck-up ang baby pati na rin si misis.”

“Maraming salamat, doktora.” Si Gimo.

“Misis, aalis na ako.” Kinawayan niya ang asawa ni Gimo.

“Salamat po, doktora.”

“Adelaida, daan ka sa center kapag may oras ka.”

Tumango ang komadrona.

“Tayo na po, Mang Gimo.”

Naglakad na silang dalawa pabalik ng health center. Muli ay ang flashlight ng cellphone ni Wangga ang naging tanglaw nila sa daan.

Eksaktong nasa magubat na bahagi na sila nang marinig nila ang isang pamilyar na tunog. Ang nakakikilabot na tunog na ilang beses na ring narinig ni Wangga mula nang dumating siya sa baryong iyon.

“Mang Gimo, ano ’yung tunog na ’yon?”

“Hindi ko rin alam, doktora,” pagsisinungaling niya. Ayaw niyang matakot ang kasamang doktor. “Pero napapadalas ang pagtunog niyan ngayon.”

“Ibig mong sabihin, hindi n’yo dati naririnig ang tunog na ’yan?”

“Hindi, doktora. Ang alam ko, narinig ko lang ulit yan kahapon, tapos kagabi. Tapos, ngayon ulit.”

Magsasalita pa sana si Wangga nang biglang may tila malaking ibon na muntik nang dumagit sa kanilang dalawa. Mabuti na lang at naitulak siya ni Gimo.

Pakiramdam ni Wangga ay lumaki ang kanyang ulo. “Ano iyon? Saan galing ’yun?” Tumingala siya at agad na inilawan ang paligid.

“Doktora, bilisan na natin!”

Ngunit bago pa sila nakahakbang ay muli na namang sumugod nang hindi nila namamalayan ang lumilipad na nilalang.

Itinutok ni Wangga ang flashlight sa mukha ng nilalang at kaagad itong lumipad paiwas sa kanya. Nang mawala ito sa kanilang paningin ay saka nila narinig ang pagaspas ng pakpak nito na para bang napakalapit nito sa kanila.

“Bilisan natin ang paglalakad, doktora. Kailangang makarating tayo sa center habang wala pa siya.” Halos kaladkarin na ni Gimo si Wangga. Lakad takbo ang kanilang ginagawa.

“Nariyan lang siya. Dinig na dinig ko ang pagaspas ng pakpak niya. Nandito lang siya sa paligid… malapit sa atin!” nahihintakutang sabi ni Wangga. Tumatakbo na silang dalawa. Malapit na sila sa center. Natatanaw na ni Wangga ang health center.

Nang marating nila ang health center ay humina ang dinig nila sa pagaspas ng pakpak ng lumilipad na nilalang.

“Doktora, bilisan mo. Malapit na siya. Nararamdaman ko, malapit na siya.”

Hindi magkandatuto si Wangga sa pagbubukas ng kandado. Eksaktong nabuksan niya ang pinto ay agad siyang pumasok so loob ng health center. Si Gimo ay papasok na rin nang bigla itong napahiyaw sa sakit na naramdaman. Nanlaki ang mata ni Wangga nang makita niyang kinakagat ng lumilipad na nilalang ang kaliwang braso ni Gimo. Muling itinutok ni Wangga sa mukha ng nilalang ang liwanag ng flashlight. Napasigaw siya nang makita ang mukha ng nilalang. Para itong mukha ng isang higanteng paniki na may matatalas na pangil. Tila nasilaw naman ang nilalang. Agad nitong binitawan ang braso ni Gimo at mabilis na lumipad.

“Pumasok ka rito!” Agad niyang ni-lock ang pintuan para masigurong hindi makakapasok ang lumilipad na nilalang. Napansin niya na umaagos ang dugo sa braso ni Gimo.

“Doktora…”

“Mang Gimo, umupo ka rito. Gagamutin ko ang sugat mo.” Kinakabahan man ay nanatili siyang kalmado. Paano siyang hindi makakaramdam ng takot? Dinig na dinig pa rin niya ang malakas na pagaspas ng pakpak na tila nagmumula sa isang malaking ibon sa labas ng bahay.

Kumuha si Wangga ng panlinis ng sugat at gamot sa cabinet. Nilinisan niya ang sugat at saka nilagyan ng gamot. Nilagyan niya rin ng benda para maampat ang pagdurugo.

“Nasa labas pa rin siya…”

“Wala, doktora. Nasa malayo na siya.”

“Pero, ang lakas ng pagaspas ng pakpak niya. Dinig na dinig ko. Nasa labas lang siya.”

“Kapag naririnig natin nang malakas ang pagaspas ng pakpak niya, ibig sabihin nasa malayo siya. Kapag mahina lang ang pagaspas, ibig sabihin nasa malapit lang siya at susugod anumang oras.”

Nanlaki ang mga mata ni Wangga. Ito ba ang sinasabing panganib ng ina ni kapitan?

“Nakita n’yo kanina, doktora wala tayong narinig na pagaspas pero bigla na lang siyang sumugod sa atin. At no’ng malakas nating naririnig ang pagaspas ng pakpak niya, wala naman tayong nakikitang lumilipad sa paligid.”

“Pero, anong nilalang iyon? Hindi iyon malaking ibon lang, Mang Gimo. Hindi rin iyon manananggal dahil buo ang katawan niya. Nakita ko, buo siya. May paa!”

“Arannik… Nag-uumpisa na namang maghasik ng lagim ang arannik!”

“Ano ang arannik, Mang Gimo?” naguguluhang tanong ng doktora.

“Isang uri ng halimaw na may katawan at paa ng tao, at meron ding ulo at pakpak ng paniki.”

Nahintakutan si Wangga sa sinabi ni Gimo. “Pero bakit hindi mo sinabi sa akin kanina nang tanungin kita kung ano ang tunog na narinig natin?”

“Ayokong matakot ka, Doktora. Pero dapat kang mag-ingat. Mapanganib ang arannik. Lubhang mapanganib!”

Five

“MANG GIMO, sabi mo maghahasik na naman ng lagim ang arannik. Ibig sabihin, hindi ito ang unang pagkakataon na naminsala sila rito?”

Marahang tumango si Gimo. “Sa pagkakatanda ko, unang beses sumalakay ang arannik noong bagong dating dito si Dra. Yvette Tresvalles. Siya ’yung doktor na pinalitan n’yo.”

“Nasaan na si Dr. Tresvalles? Bakit siya umalis dito? Natakot ba siya sa arannik?” naguguluhang tanong ni Wangga.

“Hindi, Doktora. Nawala siya. Isang taon na ang nakakaraan nang bigla na lang siyang nawala rito at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natatagpuan. Kung ano man ang nangyari sa kanya ay hindi namin alam. Wala kaming nakitang anumang palatandaan ng kanyang pagkawala.”

Napalunok si Wangga. Iyon ba ang dahilan kaya walang doktor na gustong magpa-assign sa baryong ito?

“Matagal din kaming walang doktor dito,” pagpapatuloy ni Gimo. “Iniwasan ng mga doktor ang lugar na ito. Akala nga namin ay hindi na muli kami magkakaroon mg doktor dito sa baryo. Napakatapang mo, doktora.”

“Hindi… Hindi ko alam ang tungkol sa nawalang doktora. Kung alam ko lang, baka nagdalawang isip rin ako sa pagpunta rito.” Ngayon ay napagdugtong-dugtong na niya kung bakit siya binalaan ni Mateo, ang tricycle driver na naghatid sa kanya dito sa baryo. Sinabihan siya nito na mag-ingat at huwag lalabas ng bahay lalo na kung gabi. Nagmamadali pa ngang umalis si Mateo at parang takot na takot ito na hindi niya maintindihan. Ganoon din sa lalaking tumulong sa kanya sa pagbubuhat ng mga gamit niya mula sa ilog hanggang sa bahay ni kapitan. Nagmamadali itong iniwan siya pagkatapos maihatid sa bahay ng kapitan. Maging ang ina ni kapitan ay binalaan din siyang hindi na siya dapat magtagal pa sa lugar na ito.

“Doktora, ang hinala namin ay pinatay ng arannik si Dra. Tresvalles. Nakapagtataka lang na hindi namin nakita ang kanyang bangkay samantalang…” Hindi naituloy ni Gimo ang sasabihin. Tila nagdalawang-isip ito kung dapat bang malaman ni Dra. Marasigan ang iba pa niyang nalalaman.

“Samantalang ano, Mang Gimo? Ituloy mo ang sinasabi mo.”

“Nagtataka kami kung bakit hindi namin nakita ang bangkay ni Dra. Tresvalles gayong nakita naman namin ang bangkay ng iba pang naging biktima ng arannik.”

Napamulagat si Wangga. “Hindi lang isa ang pinatay ng arannik?”

“Lagpas lima kung hindi ako nagkakamali.”

Natutop ni Wangga ang kanyang bibig. Ganoon kapanganib ang arannik?

“Kaya huwag kang lalabas lalo na kapag kumalat na ang dilim sa mga ulap. Senyales na nasa paligid lang ang arannik kapag narinig mo ang nakakakilabot na tunog na narinig natin kanina. Kasunod niyon ang pagaspas ng mga pakpak.”

“Mang Gimo, lalaki ba ang arannik?” tanong ni Wangga. “Iyong sumugod sa atin kanina, lalaki siya base sa porma niya.”

“Hindi ko masabi kung may babae rin bang arannik. Pero kung katulad lang din sila ng mga tao o hayop, malamang na ipinapanganak rin sila ng kanilang mga ina,” matalinong pag-aanalisa ng matandang lalaki.

“Anong ginawa ni kapitan noong sumalakay ang arannik?”

“Nagronda kami gabi-gabi. Pero matalino ang arannik. Nagagawa niyang makapambiktima pa rin kahit nagroronda kami.”

Tumayo si Wangga.

“Doktora, saan ka pupunta?” tanong ni Gimo.

“Ikukuha ko kayo ng kumot at unan, para makatulog kayo. Dito na kayo magpalipas ng magdamag. Mahirap nang lumabas, baka nasa paligid lang ang arannik.”

Pumasok si Wangga sa silid niya at nang lumabas ay may dala itong isang unan at kumot. May dala rin itong malaking karton para gawing sapin sa hihigaan ni Gimo.

“Pasensya ka na rito sa karton. Ito lang ang nakita kong pupuwedeng gawing pangsapin.”

“Maraming salamat, doktora. Okay na ito. Puwede nga kahit wala. Hindi pa naman ako inaantok,” paliwanag ni Gimo. “Ikaw ang dapat na matulog na, doktora. Ako na lang ang magbabantay habang hindi pa ako inaantok.”

“Sige, papasok na ako sa kuwarto. Ikaw na ang bahala diyan.”

Tumango ang lalaki.

Nakahiga na si Wangga ngunit hindi naman siya makatulog. Hindi maalis sa isip niya ang nangyari kanina. Muntik na silang mamatay kanina. At nakakakilabot na kamatayan ang sasapitin nila kung nagkataong nadagit sila ng arannik!

Hindi na namalayan ni Wangga ang pagtakbo ng oras. Nagulat na lang siya nang kumatok si Gimo.

Agad bumangon si Wangga at binuksan ang pinto.

“Doktora, aalis na po ako. Alas-singko na. Hindi na mapanganib sa daan kapag ganitong oras.”

“Sige, Mang Gimo. Pupunta na lang ako sa inyo mamayang tanghali para matingnan ko ang mag-ina mo.” Kinuha niya ang susi at naglakad patungo sa pintuan. Binuksan niya ang pinto para makalabas si Gimo.

“Maraming salamat ulit, doktora. Sa lahat ng tulong mo sa akin at sa pamilya ko.”

“Walang anuman, Mang Gimo. Mag-iingat ka sa daan.”

Pagkaalis ni Gimo ay saka naman nakaramdam ng antok si Wangga at tuluyan nang nakatulog.

Naalimpungatan siya sa narinig niyang pagtawag sa kanyang pangalan.

“Dra. Wangga! Dra. Wangga!” Kinatok ni Laarni ang pinto ng health center kasabay sa walang patid na pagtawag sa doktora para gisingin ito.

Bumangon si Wangga at mabilis na inayos ang sarili. Pagkatapos ay dala ang susi na nagtungo sa pinto ng health center.

Pagbukas ng pinto ay bumungad sa kanya ang barangay secretary pati na rin ang ilang residente na nagtungo roon para magpa-check up.

“Pasensya na, kagigising ko lang. Alas-singko na kasi ako nakatulog.” Humingi ng dispensa si Wangga.

“Mukhang puyat ka nga, doktora. Namamahay ka ba?”

“Hindi naman,” pagtanggi niya. “Ikukuwento ko sa’yo mamaya. Papasukin mo muna ang mga tao. Maliligo lang ako nang mabilis.”

Nang makapag-ayos ng sarili ay nag-umpisa na si Wangga sa pagsusuri ng kanyang pasyente. Mabilis naman siyang natapos. Alas-onse pa lang ay silang dalawa na lang ni Laarni ang naiwan sa health center.

Nilapitan ni Wangga ang kanyang assistant. “Laarni, maaari mo ba akong samahan sa talipapa mamaya bago ka umuwi? Bibili lang sana ako ng pagkain para makapagluto ako rito kahit tuwing hapunan lang.”

“Oo naman, doktora. Iyon lang pala. Tamang-tama, dadaan din naman talaga ako sa talipapa mamaya. Sabay na tayo.” Tulad ng dati, maaliwalas ang ngiti ni Laarni.

“Teka pala, kailangan kong pumunta sa bahay ni Gimo. Nanganak kagabi ang asawa niya. Pinuntahan ako ni Gimo dito.”

“Iyon po ba ang dahilan, doktora kaya napuyat ka?”

Tumango si Wangga. “Pero may nangyari pang iba na gusto kong ikuwento sa’yo mamaya. Maiwan muna kita rito. Eto nga pala ang isang susi ng pinto ng health center para may magamit ka.” Ibinigay niya kay Laarni ang isang susi. “Kapag alas-dose na at wala pa ako, umuwi ka na lang. I-lock mo na lang ang pinto.”

“Opo, doktora.”

Umalis na si Wangga. Tinanaw pa siya ni Laarni habang papalayo sa health center.

Hindi naman inabot ng alas-dose ang manggagamot. Nakabalik siya kaagad sa health center bago pa magtanghali. Pagdating niya ay si Laarni naman ang nagpaalam para umuwi at mananghalian.

Wala nang dumating na pasyente noong hapong iyon kaya nagkaroon silang dalawa ng pagkakataon na makapag-usap.

“Alam mo ba kung ano ang arannik?” diretsong tanong ni Wangga kay Laarni. Hindi nakaligtas sa kanya ang biglang panlalaki ng mga mata nito. Wari’y biglang nagkaroon ng takot sa dibdib.

“Bakit mo naitanong ’yan, doktora?”

“Narinig mo ba ang nakakakilabot na tunog kagabi? Ang mga malalakas na pagaspas ng tila malalaking pakpak?”

“Oo, doktora. Kagabi. At noong nakaraang gabi rin,” mahinang tugon ni Laarni ngunit sapat na para marinig ni Wangga.

“Saan galing ang tunog na iyon? Saan galing ang pagaspas ng malaking pakpak?”

Nagpalinga-linga muna si Laarni bago sumagot. “Sa arannik. Sa arannik, doktora.”

“Nakaengkuwentro namin ni Gimo ang arannik kagabi habang pabalik na kami rito sa health center pagkatapos manganak ng asawa ni Gimo.”

Mas lalong rumehistro ang takot sa mukha ni Laarni. Sa tinagal-tagal niyang naninirahan sa baryong iyon ay hindi pa niya nakita ang itsura ng arannik. At wala siyang balak na makita iyon nang harapan!

“Gusto niya kaming dagitin. Mabuti na lang at may dala kaming flashlight. Takot siya sa liwanag. Nakakatakot ang itsura ng arannik. May mukha siya at pakpak katulad ng sa paniki. Ang pinagkaiba lang nito sa paniki ay ang laki, at katawan at paa nito na tulad ng sa tao. Nakagat niya sa braso si Gimo habang papasok na kami rito sa health center. Mabuti na lang at nang itutok ko sa arannik ang flashlight ay bigla nitong binitawan si Gimo at lumipad papalayo. Doon ko nasigurong takot nga sa liwanag ang arannik.”

Tahimik na nakikinig lang si Laarni.

“Nang makapasok na kami rito, ginamot ko ang sugat ni Gimo at dito ko na rin siya pinagpalipas ng magdamag.”

“Doktora, alam mo bang lumalabas lang ang arannik kapag may bagong doktor dito sa health center?”

Napatingin si Wangga sa kausap. Nagtatanong ang kanyang mga mata.

“Noong wala ka pa rito, hindi naman namin naririning ang tunog na iyon. Noong isang taon lang. Noong nandito pa si Dra. Tresvalles. Tapos, naulit ngayong nandito ka na.”

“Sinasabi mo ba na ako ang talagang target ng arannik?”

Napailing si Laarni. “Hindi ko alam, doktora. Bakit naman ikaw ang magiging target niya eh, kararating mo lang rito?”

“Hindi ko rin alam kung bakit posibleng ako nga ang target ng arannik.” Pinipilit ni Wangga na maging kalmado kahit ang totoo’y nag-uumpisa nang gumapang ang kilabot sa buo niyang pagkatao. Isipin na lang na siya ang target ng halimaw na iyon, ibig bang sabihin ay hindi na siya makakabalik nang buhay sa pamilya niya sa Maynila?

“Doktora? Huwag n’yong seryosohin ang sinabi ko. Nagkataon lang siguro na lumalabas ang arannik kapag may doktor dito sa baryo.”

“Siguro nga, Laarni. Siguro nga…”

“Pumunta na tayo sa talipapa, doktora. Mukha namang wala nang darating na pasyente,” pag-iiba ni Laarni ng usapan.

“Mabuti pa nga. Para makapagpahinga rin ako nang maaga. Inaantok na ako. Kulang na kulang talaga ang tulog ko kanina.”

Isinara ni Wangga ang health center at lumakad na silang dalawa.

“Bakit ’di ko nakikita si kapitan?” tanong niya.

“Lumuwas ng Maynila kagabi. May dadaluhang seminar ng mga barangay captain. Isang linggo siyang mawawala rito sa baryo,” kaswal na sagot ni Laarni.

Hindi na nagtanong pa si Wangga. Inaantok na talaga siya.

Nang makarating sa palengke ay bumili siya ng mga kakailanganin niya araw-araw. Hindi niya kinalimutang bumili ng bigas, gulay at karne. May ref naman sa center na magagamit niya para sa stock ng pagkain. Kailangan lang niyang iluto kaagad kinabukasan dahil tuwing gabi lang pinagagana ang generator.

Bumili rin siya ng banig at unan para magamit niya sa kanyang higaan.

Pagkatapos mamili ay naghiwalay na sina Laarni at Wangga. Kampante ang doktora habang naglalakad pabalik sa health center. Maliwanag pa. Walang dapat ikatakot.

Kinapa niya ang cellphone na nakasilid sa kanyang bulsa. Siniguro niyang dalhin ang celfone dahil alam niyang takot sa liwanag ang arannik. Nocturnal beast ang paniki. Natural lang na takot ito sa liwanag.

Nagpatuloy sa paglalakad si Wangga ngunit halos mahulog ang puso niya sa takot nang may magsalita sa kanyang likuran.

“Muntik ka nang mamatay kagabi. Sa susunod, baka hindi ka na makaligtas!”

Six

“MUNTIK KA nang mamatay kagabi. Sa susunod, baka hindi ka na makaligtas!”

Saglit na hindi nakakilos si Wangga. Nasa likuran lang niya ang nagmamay-ari ng tinig na ’yun.

Kumuha siya ng sapat na lakas ng loob at buong tapang na pumihit para makita kung sino ang nagsalitang iyon.

“Ikaw?!” Hindi inaasahan ni Wangga na muli niyang makakaharap ang lalaking ito. Ito ’yong lalaking tumulong sa kanya na magbuhat ng mga gamit niya at naghatid sa kanya sa bahay ni Kapitan Celso. “Bakit alam mo ang tungkol doon?” Pinandilatan niya ang lalaki. “Ikaw ang arannik?”

Kumunot ang noo ng lalaki at naningkit ang mga mata nito. Tila hindi nito nagustuhan ang paratang ng doktora.

Bigla nitong hinablot ang braso ni Wangga. “Halika rito!” Hinila siya nito patungo sa isang bahay sa ’di kalayuan. Walang masyadong tao sa paligid kaya wala ring nakapansin sa kaunting komosyong nangyayari sa kanilang dalawa.

“Aray! Bitiwan mo nga ako!” Nagpumiglas siya pero mahigpit ang pagkakahawak ng lalaki sa kanyang kanang braso.

Naipasok siya ng lalaki sa loob ng bahay. At saka lang siya nito binitawan. “Hindi ako ang arannik! Wala kang alam…” Bakas sa mukha ng lalaki ang poot at matinding galit. Nahintakutan si Wangga. Hindi niya inasahan na ganoon ang magiging reaksyon nito sa sinabi niya.

“Kung hindi ikaw ang arannik, bakit alam mo ang nangyari kagabi?” Napansin niyang magkasingtindig ang lalaki at ang nilalang na sumugod sa kanila kagabi.

“Hindi ibig sabihin na alam ko ang nangyari kagabi ay dahil ako ang halimaw na nakaengkuwentro n’yo. You are an educated person. You know what I mean.”

Napatanga si Wangga. Hindi niya inaasahang kakausapin siya sa Ingles ng lalaking kaharap. And the way he speaks in English showed that he is not the typical guy from this barrio.

“I’m sorry.” Iyon lang ang nasabi ni Wangga. “I did not mean to offend you. Nagulat lang ako sa bigla mong pagsasalita kanina ng tungkol sa nangyari kagabi. Alam kong posibleng narinig ng buong baryo ang tunog at pagaspas ng pakpak ng arannik. Pero hindi ko naisip na posibleng may nagtangkang sumilip at nakita kung sino ang muntik nang maging biktima.”

“Wala kang alam…” Nagngangalit ang mga bagang na sabi ng lalaki.

“Talagang wala akong alam. Kaya nga nag-sorry na ako, ’di ba? Pasensya ka na sa akin, kasi wala akong alam! Sa susunod, huwag kang basta-basta sumusulpot at magsasalita ng kung anu-ano, para hindi ka napagbibintangan.” Iyon lang at nagmartsa na si Wangga papalabas ng bahay.

Nagmadali na siya para makabalik sa health center. Nabuwisit lang siya sa lalaking iyon.

Naiwan sa bahay ang lalaki. Wala na sa mukha nito ang galit pero pinalitan naman ng inis at pagkabagot. Halos kalahating taon na siyang naririto sa baryong ito. Hanggang ngayon, wala pa rin siyang nakukuhang ano mang impormasyon na ipinangako niya sa kanyang ina bago ito malagutan ng hininga. Kabilin-bilinan nito sa kanya na huwag siyang titigil hanggang hindi nagkakaroon ng linaw ang mga nangyari. Kaya naman kahit pa iwanan niya ang kanyang trabaho sa Maynila ay hindi siya nagdalawang-isip, mabigyan lang ng katuparan ang huling hiling ng namayapa niyang ina. At ipinangako na rin niya sa kanyang sarili na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para masagot ang mga tanong na hanggang ngayon ay nananatiling palaisipan sa kanya.

PAGDATING SA health center ay inayos ni Wangga ang kanyang mga pinamili. Inumpisahan na rin niyang maghanda ng hapunan. Balak niyang mag-ulam ng pork adobo ngayong gabi. Iyon na lang ang lulutuin niya para siguradong hindi masisira ang ulam kahit pa hindi ilagay sa ref. Sabi nga pala ni kapitan, tuwing gabi lang may kuryente sa health center. Mabuti na lang at ang pinamili niyang gulay ay ’yung tipong tatagal kahit wala sa ref.

Hindi naman nagtagal at naluto na ang hapunan niya. Bago siya kumain ay sinuguro niyang naka-lock na ang lahat ng pinto. Naisara na rin niya ang mga bintana. Kampante siyang magiging ligtas siya sa pansamantala niyang tirahan.

Bago matulog ay naligo pa si Wangga. Nakagawian na niya ang paliligo bago matulog. Bilang doktor, gusto niyang mapanatili ang pagiging malinis sa katawan. Ang pangit namang tingnan ng isang doktor na dugyot. Hindi pa siya nakakita ng doktor na mukhang marumi. Lahat ng nakita at nakilala niyang doktor ay para bang kaylinis at laging mabango.

Pinatuyo lang niya ang kanyang buhok at saka siya nagpasyang matulog. Babawiin niya ngayong gabi ang puyat niya kagabi. Kukumpletuhin niya ang walong oras na tulog ngayong magdamag.

Paglapat ng likod niya sa higaan ay agad siyang nakatulog. Marahil ay dala ng puyat noong nagdaang gabi at ng maghapong pagod. Mahimbing na mahimbing ang tulog ni Wangga.

SA labas ng health center ay may isang maliit na paniki na paikot-ikot sa paligid. Wari babay naghahanap ito ng kahit maliit na butas lang na maari nitong daanan para makapasok sa loob ng health center. Kung sisipatin, parang apoy sa pula ang mga mata nito. Ang bibig nito ay naglalaway at kumikislap sa dilim ng gabi ang mga pangil.

Nakailang lipad din paikot sa center ang paniki bago nito natumbok ang sirang jalousie sa bintanang malapit sa kusina. Agad na nakapasok dito ang maliit na paniki. Ngunit nang dumapo ito sa sahig ay biglang nagbago ang anyo nito. Ang dating maliit na hayop ay lumaki at nagkaroon ng katawan ng isang hubad na lalaki, bagamat nanatiling sa paniki ang ulo nito. Ang kanina ay namumulang mga mata ay nagmistulang bolang apoy. Ang matatalas na pangil ay mas lalong naging mahaba at matulis.

Sinubukang igalaw ng paniki ang malaki nitong pakpak ngunit natabig nito ang stainless jar na lalagyan ng bulak kaya nahulog ito sa sahig at lumikha ng ingay.

Sapat ang ingay na iyon para magising si Wangga. Nagmulat siya ng mga mata at bumangon upang tingnan kung ano ang pinagmulan ng ingay na iyon.

Pagbukas niya ng pinto ng silid ay bumulaga sa kanya ang hubo’t hubad na arannik! Napatili si Wangga sa sobrang takot. Sinubukan niyang isara ang pinto subalit mas mabilis ang arannik. Tinadyakan nito ang pinto pagkatapos ay buong lakas siyang itinulak nito sa kama.

Dumagundong sa buong silid ang nakakakilabot na tunog na nililikha ng arannik na lalo pang nagpaigting sa takot na lumukob sa buong katauhan ng doktora.

Halos panawan ng ulirat si Wangga nang dumagan sa kanya ang arannik at humanda upang siya ay angkinin!

Pinilit na manlaban ni Wangga. Inubos niya ang buong lakas upang itulak ang halimaw ngunit hindi sapat ang lakas niya para iligtas ang kanyang sarili.

Seven

“HUWAAAG!!!” Puno ng takot ang tinig ni Wangga nang walang anumang punitin ng arannik ang suot niyang pantulog. Patuloy lang siyang nagsisigaw upang humingi ng tulong ngunit walang sino mang nakarinig sa kanyang panaghoy. Ang mukha ng halimaw ay halos dumikit na sa kanyang mukha. Ang laway nito ay tumutulo at pumatak sa kanyang pisngi at leeg. Diring-diri si Wangga sa nangyayari.

“Huwaaaaaggg!!!”

Napabalikwas ng bangon ang doktora. Butil-butil ang pawis niya sa noo at leeg. Pawisang-pawisan siya at hinahabol ang kanyang hininga. Napakasamang panaginip. Hinding-hindi niya gugustuhing magkatotoo ang panaginip niya.

Bumangon siya at uminom ng isang basong tubig. Pabalik na siya sa silid nang marinig niya ang pamilyar na nakakikilabot na tunog na likha ng arannik. Gumagala na naman ang halimaw. Siguradong kasunod ng tunog na ’yon ang malalakas na pagaspas ng malaking pakpak ng halimaw.

Mabilis na pumasok sa kuwarto si Wangga. Siniguro niyang naka-lock ang pinto. Hinintay niyang marinig ang pagaspas ng pakpak at hindi siya nabigo. Ilang segundo rin niyang napakinggan ang pagaspas ng pakpak ng halimaw na dahil sa lakas ay iisipin mong nasa labas lang ito ng health center. Pero sabi nga ni Gimo, kapag malakas ang pagaspas ibig sabihin ay nasa malayo ito.

Sinubukan ni Wangga na matulog muli pero hindi mawala sa isip niya ang masamang panaginip. Paano kung muli niyang mapanaginipan ang arannik? Diyos! Hindi niya pinangarap mamatay sa bangungot.

Tuluyan nang hindi natulog si Wangga. Inubos na lang niya ang oras sa pagbabasa. Nang maliwanag na ang paligid ay lumabas siya ng health center. Nagulat pa siya sa mga taong nagtatakbuhan patungo sa iisang direksyon.

“Anong nangyari?” tanong niya sa isang tumatakbong lalaki.

“Doktora, may pinatay ang arannik! Andoon sa gubat!” Tuloy-tuloy na tumakbo ito pagkatapos sagutin si Wangga.

Hindi malaman ni Wangga kung pupunta rin ba siya sa gubat para makiusyoso. Sa huli ay pinili niyang huwag na lang pumunta. Makikibalita na lang siya kay Laarni mamaya.

Nang magbukas ang barangay hall ay pinatawag ng isang kagawad ang mga residente. Kahit wala si kapitan, kailangan nilang gawan ng aksyon ang nangyaring pagpatay sa kanilang lugar.

Nakilala ni Wangga ang kagawad sa pangalang Dominador Almanzor. Bata pa ito. Siguro’y wala pang trenta ang edad nito.

“Mga kabarangay, alam naman ninyo siguro na pinatay kagabi si Lumen. Nakita ngayong umaga sa gubat ang walang buhay niyang katawan. May malalim na sugat siya sa leeg na tila kagat ng isang hayop na may pangil. Kung naaalala n’yo, nangyari na rin ang ganito noong nakaraang taon. Hindi natin nahuli ang halimaw na pumapatay pero huminto ito at ngayon lang naulit. Kailangang magrondang muli ang mga kalalakihan para maproteksyunan ang mga residente sa lugar na ito. Sang-ayon ba kayo?”

“Oo! Sang-ayon kami!” sabay-sabay ma sigaw ng mga residente.

Nagtaas ng kamay si Wangga. “Kagawad!”

“Doktora…”

“Paano po tayo nakasisiguro na ang pumatay kay Lumen ay siya ring halimaw na pumatay noong nakaraang taon?”

“Ang pinagbasehan lang namin ay ang sugat na tinamo ni Lumen. Katulad iyon ng sugat ng mga naging biktima noong nakaraang taon.”

“Pero hindi natin dapat alisin ang posibilidad na puwedeng isang normal na tao lang ang gumawa noon at ginaya lang niya ang istilo ng pagpatay ng halimaw para hindi siya mapagbintangan,” argumento ng doktora.

Nagbulungan ang mga residente ng barangay. Tila sang-ayon sila sa ipinupunto ni Wangga.

“Sino naman ang maaaring gumawa ng ganoon kay Lumen at sa anong dahilan?” tanong ni Kagawad Dominador.

“Hindi natin alam. Pero hindi rin natin dapat alisin ang ganoong posibilidad, dahil puwede namang ganoon ang nangyari. May mga pulis na bang dumating para mag-imbestiga?” tanong ni Wangga.

“Wala pa. Pero iniuwi na ng pamilya niya si Lumen. Tanggap na nila ang nangyari at tila hindi na sila interesado pang magpa-imbestiga.”

Napatanga si Wangga. “Ganoon na lang?”

“Ire-report pa rin naman namin sa pulisya ang nangyari. Pero hindi naman puwedeng hayaan nating nakakalat sa gubat ang bangkay ni Lumen hanggang hindi pa dumarating ang mga pulis.”

Hindi makapaniwala si Wangga sa sinabi ng kagawad. Paano makakapag-imbestiga nang tama kung inalis na ang bangkay sa scene of the crime? Mawawala ang mga ebidensya. Mabubura ang fingerprints ng kriminal. Ganito ba kalayo sa sibilisasyon ang lugar na ito para hindi kaagad makarating ang mga pulis? Paano mapapangalagaan ang kaligtasan ng mga tagarito kung ganito mag-isip ang mga opisyal?

Minabuti ni Wangga na makinig na lang at huwag nang makisali sa diskusyon. Nakakaramdam na siya ng inis. Oo nga at maging siya ay sang-ayon na arannik nga ang pumatay kay Lumen dahil mismong siya ay muntik na ring maging biktima. Pero dapat pa ring magkaroon ng sapat na imbestigasyon. Hindi puwede ang mga opinyon at haka-haka lang. Kung halimaw man ang pumatay kay Lumen, kailangan pa ring mapatunayan iyon para magawan ng tamang aksyon at hindi na maulit.

SIRA ANG buong araw ni Wangga. Ngayon ay parang nagsisisi siya kung bakit dito pa siya na-assign sa baryong ito. Wala pa siyang isang linggo rito pero andami nang nangyari at lahat iyon ay gustong magpabago sa desisyon niyang ituloy ang pagseserbisyo sa lugar na ito. Kung sana pwede siyang mag-backout.

“Doktora…” Hindi namalayan ni Wangga ang paglapit ni Laarni. Hanggang ngayon ay apektado siya sa mga nangyayari sa baryo San Joaquin. “Okay ka lang ba, doktora?”

“Okay lang ako.” Pinilit niyang ngumiti. At saka niya naisip na magtanong. “Laarni, naniniwala ka bang arannik ang pumatay kay Lumen?”

Tumango si Laarni. “Oo, doktora. Narinig ko kagabi ang tunog at pagaspas ng pakpak ng arannik. At nakita ko rin ang sugat sa bangkay ni Lumen. Kaparehong-kapareho ng mga sugat ng mga nabiktima ng arannik noong nakaraang taon.”

“Pero bakit nasa gubat si Lumen sa oras na iyon? Anong ginagawa niya sa gubat?”

“Ang sabi ng asawa niya, sabay silang natulog kagabi. Kaya maging siya ay nagtataka kung paanong napunta sa gubat si Lumen. Nagising lang siya nang katukin ng mga taong nakakita sa bangkay ni Lumen.”

“Naalala ko ang sinabi mo kahapon na nagsimula lang bumalik ang arannik nang dumating ako dito sa baryo n’yo. May kaugnayan nga kaya ang pagdating ko sa muling pagpatay ng arannik?”

“Hindi ko alam, doktora.”

“Pero ano ang arannik? Tao ba siya na nagpapalit lang ng anyo? O ipinanganak ba siyang ganoon na ang itsura?”

Sunod-sunod na napailing si Laarni. “Ewan ko po, doktora.”

“Paano nalaman ng mga tagarito ang tungkol sa arannik? May nakakita na ba sa itsura ng arannik?”

“Meron, doktora. Si Dra. Yvette. Nakita niya ang arannik at sa kanya rin nanggaling ang tawag na arannik, kaya mula noon ay arannik na ang tawag namin sa halimaw na ’yun.”

Biglang naalala ni Wangga ang lalaking naka-engkuwentro niya kahapon. “Kilala mo ba ang lahat ng nakatira dito sa baryo?”

Tumango si Laarni. “Oo, doktora. Bakit?”

“Kilala mo ba ’yong lalaking nakatira sa may crossing bago dumating sa talipapa? Doon sa may kanto na daanan papuntang gubat.”

“Anong itsura niya, doktora?”

“Matangkad, moreno, malamlam ang mata, maganda ang katawan, guwapo pero sobrang tahimik at parang suplado.” Nagulat pa si Wangga na tila nakabisado niya kaagad ang itsura ng lalaki.

“Si Ashton? Si Ashton lang ang kilala kong lalaking tagarito na ganyan ang itsura.”

“Sino si Ashton?”

Eight

INULIT NI Wangga ang tanong. “Sino si Ashton?”

“Eh, pasensya na, doktora. Hindi ko rin siya gaanong kilala. Anim na buwan pa lang ang nakalilipas mula nang tumira siya rito sa baryo San Joaquin. Hindi ko alam kung tagasaan siya talaga. Pero may mga nagsasabing galing siyang Maynila. Nagtataka nga kami kung bakit pinili niyang dito tumira. Mukha naman siyang anak mayaman. At ang itsura niya, hindi mo iisiping lumaki sa hirap,” mahabang paliwanag ni Laarni.

“Hindi n’yo ba siya tinatanong?”

“Parang wala naman yata kaming karapatang magtanong. Hindi ba sa ibang lugar naman, puwede kang tumira kahit saan mo gusto at hindi ka naman iinterbyuhin ng mga barangay officials kung bakit doon ka titira?” katwiran ng kausap ni Wangga.

“Sabagay… Pero hindi ba siya nagkukusang magkuwento?”

“Ikaw na nga ang nagsabi, doktora. Mukha siyang suplado. Hindi ko nga alam kung may mga kaibigan na ’yon dito. Lagi lang kasing nasa bahay iyon. Hindi siya palalabas.”

“Eh, paano pala siya nabubuhay? Hindi siya nagtatrabaho?”

“Puwede namang mabuhay dito kahit walang trabaho. Kay kapitan ’yong bahay na tinitirhan niya. Nirerentahan niya. Tapos pinakiusapan niya si kapitan na tataniman niya ng mga gulay ang likod-bahay. Kung makikita mo ang mga pananim niya, hahanga ka. Andaming bunga ng mga gulay niya. Ang mga talbos marami rin. May green thumb yata ang taong ’yan. Pero hindi naman maramot. Kapag inaani niya ang mga bunga ng mga gulay, pinamimigay niya sa mga kapitbahay. Minsan nga nagdala siya ng mga talbos at kalabasa sa barangay hall. Tuwang-tuwa sa kanya si kapitan,” tuluy-tuloy na kuwento ni Laarni. “Siyanga pala, pumupunta siya sa Maynila every other month. Aalis siya rito ng Sabado, bumabalik ng Lunes. Dumadalaw siguro sa pamilya niya sa Maynila.”

“Ahhh…” Napatango na lang si Wangga.

“Bakit n’yo pala naitanong kung kilala ko si Ashton, doktora?”

“Nagkasagutan kasi kami kahapon?” kaswal niyang sagot.

“Ha? Kelang kahapon?”

“Pagkatapos nating maghiwalay sa talipapa,” kuwento niya. “Bigla na lang kasi siyang nagsalita sa likuran ko. Alam niya na nakaengkuwentro namin ni Mang Gimo ang arannik kaya deretsahan ko siyang tinanong kung siya ba ang arannik. Ayun, nagalit.”

Natawa si Laarni. “Ikaw naman pala kasi, doktora. Kahit sino siguro magagalit kapag pinagbintangang siya ang gumagalang halimaw dito sa baryo.”

“Nabigla lang kasi ako. Kapareho kasi ng built ni Ashton ang arannik na sumalakay sa amin ni Mang Gimo,” seryosong pahayag ni Wangga. “Tapos nagkataon pang alam niya ang nangyari kaya inisip ko na posibleng siya nga ang halimaw sa baryong ito.”

“Hindi naman siguro, doktora.”

“Pero mabuti na ang nag-iingat.”

“Kung sabagay…”

“Ano nga pala ang buong pangalan ni Ashton?” tanong ni Wangga.

“Ashton De Asis, doktora.”

ANG BAHAY na tinitirhan ni Ashton ay saradong-sarado. Nasa loob ang binata pero nagkukulong na naman ito sa silid. Hawak nito ang isang picture frame na may larawan ng isang magandang babae. Matiim na tinitigan niya ang babae sa larawan kasunod ang pagpatak ng luha sa kanyang mga mata.

“Hindi ako aalis rito nang hindi kita kasama. Ipinangako ko kay mama na hahanapin kita. Iuuwi kita sa Maynila. Gagawin ko ang lahat para matupad ang pangako ko kay mama.” Dahan-dahang inalis ni Ashton ang litrato sa frame. Sa likuran ng larawan ay may nakasulat na pangalan: Dr. Yvette Tresvalles.

“Nagsimula nang lumabas muli ang arannik. Nag-uumpisa nang mambiktima ang halimaw. Sabi ng mga tagarito, bigla ka na lang nawala. Hindi nila nakita ang bangkay mo. Kaya malakas ang kutob ko na buhay ka. Buhay ka pa. Kailangan ko lang malaman kung sino ang arannik at kung saan ito umuuwi. Alam ko, doon ko mahahanap ang mga kasagutan sa mga tanong ko. Pero paano? Ilang beses ko nang inaabangang lumabas ang halimaw pero hindi ako nito sinasalakay. Kusa ko nang ipinapain ang sarili ko, pero hindi lumalapit sa akin ang halimaw. Paano kita makikita? Saan naglulungga ang halimaw na ’yon?”

Tumayo si Ashton at kinuha sa kabinet ang isang mahalagang bagay na kakailanganin niya sa kanyang misyon.

Baril!

Ikinasa niya iyon. Puno ng bala ang baril. Sadyang inihanda niya ito para sa pakikipagtuos niya sa arannik. Gaano man kakapal ang balat ng halimaw na iyon ay siguradong maglalagos sa balat nito ang bala ng baril.

NANG SUMAPIT ang gabi ay tila isang tahimik na sementeryo ang Baryo San Joaquin. Wala ng ilaw ang paligid. Halos lahat ng residente ay nasa loob na ng kanilang bahay at maagang natulog.

Maging sa burol ng biktima ng arannik na si Lumen ay iilan lang ang tao. Tanging ang pamilya niya ang naglalamay at ilang malapit na kapitbahay.

Napahinto ang lahat nang marinig nila ang nakakikilabot na tunog ng arannik. Senyales iyon na nasa paligid na naman ang halimaw.

Pumasok sa loob ng bahay ang lahat ng naglalamay. Mahirap nang maabutan sila ng arannik sa labas. Baka sila pa ang sunod na maging biktima. Huli na nang makita nilang nasa labas pa rin ang lasing na si Dyunyor.

Kasunod ng tunog ng arannik ay narinig naman ang malakas na pagaspas ng pakpak nito. Ang malakas na tunog ay unti-unting humina, tanda na papalapit na ang arannik.

“Dyunyor, pumasok ka rito!” tili ng isang babae. “Puntahan n’yo siya! Ipasok n’yo siya rito sa loob.”

Ngunit walang sino mang naglakas ng loob na puntahan si Dyunyor na sa sobrang kalasingan ay nakasubsob na ang mukha sa mesa.

Nag-panic na ang mga tao sa loob ng bahay. Lahat ay nakatingin lang kay Dyunyor na tila naghihintay sa mangyayari rito. Isang may edad na lalaki ang kumilos para puntahan ang lasing. “Padaanin n’yo ako, ipapasok ko rito si Dyunyor!”

“Mang Zosimo, ’wag na! Malapit na ang arannik!” tili ng isa pa. Ngunit hindi nagpapigil si Mang Zosimo.

Halos hindi na marinig ang pagaspas ng pakpak ng arannik. Malapit na siya.

Malapit na malapit na!

Mabilis na tumakbo ang matandang lalaki papunta kay Dyunyor. Pero bago pa siya tuluyang makalapit ay may tila ipu-ipong biglang dumagit sa kanya at tuluyan siyang tinangay!

Halos hindi nakita ng mga tao kung ano ang tumangay kay Mang Zosimo. Sobrang bilis ng pangyayari. Sobrang bilis ng naging pagkilos ng arannik.

Ilang sandali lang ay nakarinig sila ng nakakikilabot na sigaw. Alam nila, napatay na ng arannik ang sunod nitong biktima!

SI ASHTON ay nasa labas ng kanyang tinitirhan. Kanina pa siya rito mula nang marinig niya ang huni ng arannik. Sadya siyang lumalabas ng bahay kapag naririnig niya ang huni ng halimaw para siya ang dagitin nito. Pero nang marinig niya ang tila kinakatay na sigaw ng isang lalaki, alam ni Ashton na may bago na namang biktima ang arannik. Nanlumo si Ashton. Bigo na naman siyang mapakagat sa pain niya ang halimaw. Isang inosente na naman ang nagbuwis ng buhay. Dumarami ang nagiging biktima ng arannik at hindi pa rin niya nalalaman kung ano ba talaga ang nangyari kay Dr. Yvette Tresvalles!

Nine

KINAUMAGAHAN AY natagpuan ng mga residente ng baryo ang walang buhay na katawan ni Mang Zosimo. Katulad ni Lumen, nasa parteng leeg din ang sugat nito na tila ba inalisan ng dugo ang katawan ng biktima.

Hindi inaasahan ni Wangga ang pagdalaw ni Kagawad Dominador sa health center.

“Good morning, kagawad. May kailangan po kayo? May ipapa-check up ka?” tanong niya sa bisita.

“Wala, doktora. May gusto lang sana akong itanong sa’yo.”

“Maupo ka, kagawad.”

“Hindi na. Mabilis lang ito. Gusto ko lang sana, sumagot ka nang totoo.”

Napakunot-noo si Wangga. May tinutumbok ba ang mga salita ng kagawad?

“Go ahead, kagawad.” Kung kahapon ay na-bad trip siya dahil sa kagawad na ito. Ngayon ay mukhang mauulit ang pagkainis niya rito kahapon.

“Hindi naman siguro lingid sa’yo na dalawa na ang nabibiktima ng arannik.”

Tumango si Wangga. “Yeah, kaya nga nag-suggest ako kahapon na dapat suriin ang katawan ng biktima para malaman natin kung halimaw ba talaga ang gumawa o tao lang. Dapat i-autopsy ang biktima. Well, for this case mga biktima.”

“Wala ka bang kinalaman sa mga nagyayaring ito?”

Tumaas ang kilay ni Wangga. Pinagbibintangan ba siya ng kagawad na ito na siyang may kagagawan ng mga pagpatay? “Anong ibig mong sabihin?”

“Well, nagsimula ang mga pagpatay mula noong dumating ka dito sa baryo namin.”

“And so?” Hindi nawawala ang pagkakataas ng kilay niya. Akala yata ng kagawad na ito ay palalagpasin niya ang baseless accusations nito sa kanya. Siya pa talaga ang pagbibintangan eh, muntik na nga rin siyang maging biktima.

“Iniisip ko na kung sinasabi mong baka tao lang ang may kagagawan ng pagpatay. Baka naman kakilala mo mismo ang taong ’yun. O baka naman, ikaw iyon?”

Sarkastiko ang pinakawalan niyang ngiti. “Seryoso ka ba sa sinasabi mo, kagawad? Puwede mong sabihing nagbibiro ka lang.”

“No, I’m serious!”

“Puwes, mawalang-galang na pero sasabihin ko sa’yo na barangay kagawad ka, kaya sana ginagamit mo ang utak mo para makapag-isip nang tama at may sense! Seriously? Pinagbibintangan mo ako na siyang may kagagawan ng mga nagaganap na patayan dito? Kelan ka pa ba naging residente sa baryong ito? Alam mo bang noong isang taon ay may approximately limang kataong pinatay din at ang paraan ng pagpatay ay katulad ng pagpatay kina Lumen at Mang Zosimo? Wala pa ako dito, may mga naganap ng patayan. So please lang, bago mo ako pagbintangan nang wala namang basehan, get your facts straight first!”

Hindi nakapagsalita si Kagawad Dominador. Hindi niya inakalang palaban ang doktorang ito.

“Kung wala ka nang sasabihin, makakaalis ka na.”

Tumalikod ang kagawad para umalis.

“Kung gusto mong magpabibo sa mga residente rito para masungkit mo ang posisyon ni kapitan sa susunod na eleksyon, please not at my expense! Hindi ko kailangang magsalita para idepensa ang sarili ko. Pero kung gusto mo, kausapin mo si Mang Gimo.”

Nakaalis na si kagawad ay hindi pa rin mapanatag si Wangga. Ngayon naiintindihan na niya si Ashton. Nakakainit nga pala talaga ng ulo ’yong mapagbintangan ka, lalo na at pagpatay ng tao ang pinag-uusapan dito.

“Doktora…” Bukas ang pinto ng kuwarto kaya sumilip na si Laarni

Nag-angat ng ulo si Wangga.

“Mag-uumpisa na po ba tayo?” magalang na tanong ni Laarni. “Naghihintay na ang mga pasyente.”

“Sige, magpapasok ka ng isa rito.”

“Okay po.”

Naging abala si Wangga sa kanyang mga pasyente. Medyo marami ngayong araw, hindi pa sila nakapagsimula kaagad kaya hanggang sa mag-alas singko ng hapon ay may natitira pang dalawang pasyente.

Pinuntahan niya si Laarni sa puwesto nito. “Alas-singko na. Puwede ka nang umuwi kung gusto mo. Dalawa na lang naman ang natitira. Ako na lang ang bahala rito.”

“Okay lang ako, doktora. Mamaya na lang ako uuwi ’pag natapos na itong dalawang natitira.”

“Salamat, Laarni.” Nginitian niya ang kausap. “Sige, tapusin na natin ito.” Bumaling siya sa pasyenteng matandang lalaki. “Tatay, sumunod na po kayo sa akin dito para ma-check up na kita.”

Pumasok na silang dalawa sa kuwarto at sinuri ni Wangga ang kalusugan ng matandang lalaki. Pagkatapos ay niresetahan niya ito at binigyan ng instruksyon kung ilang beses iinom ng gamot sa isang araw.

Sunod na tinawag ang huling pasyente sa araw na iyon. Pinapasok na ito sa silid.

“Maupo po kayo,” sabi ni Wangga sa babaeng pasyente.

“Salamat, doktora.” Iniabot nito ang index card na nagsisilbing patient’s record.

“Ano po ba ang ikokonsulta n’yo?” Binasa ni Wangga ang nakasulat sa index card. Nalaman niya, Helen ang pangalan ng babae at dalawamput-siyam na taong gulang lang ito.

“Ubo lang po. Tatlong araw na akong inuubo.”

“May plema ba, Helen?”

“Wala po. Mahirap nga pong umubo kasi wala namang lumalabas na plema.”

Tumayo si Wangga at inilagay sa tenga niya ang earpiece ng stethoscope. Itinapat naman niya sa kaliwang bahagi ng likod ni Helen ang chestpiece. “Hingang malalim.”

Sumunod si Helen. Nilipat ni Wangga ang chestpiece sa kanang bahagi ng likod ng pasyente. “Hingang malalim ulit.”

Kumuha siya ng tongue depressor at otoscope sa cabinet at muling bumalik kay Helen. “Pakibuka po ang bibig…” Ipinatong ni Wangga sa dila ng pasyente ang tongue depressor at sinilip niya ang lalamunan ng babae gamit ang ilaw na nagmumula sa otoscope. Pagkatapos ay may kinuha siyang gamot sa medicine cabinet at ibinigay sa pasyente. “Inumin mo ito tatlong beses isang araw.” Gumawa pa rin siya ng reseta para rito. “Kapag naubos na ang gamot, puwede kang bumalik rito.”

“Maraming salamat, doktora.”

“Walang anuman po. Magpagaling ka kaagad.”

“Doktora…”

“Bakit?”

“Naniniwala po ako sa inyo na hindi kayo ang halimaw na pumapatay.”

“Ha?”

“Narinig ko po ’yong pagtatalo n’yo ni kagawad kanina.”

“Naku, pasensya ka na, ha? Napalakas yata masyado ang boses ko kanina. Hindi ko kasi napigilan ang sarili ko.”

“Ako nga po ang nahihiya sa inasal ni kagawad.”

“Bakit mo naman nasabing naniniwala kang hindi ako ang halimaw na pumapatay?”

Nagpalinga-linga muna si Helen bago muling nagsalita. “Dahil nakita ko na ang halimaw. Nakita ko na ang arannik. Matagal na.”

“Kelan ’yong matagal na sinasabi mo?” Naging interesado si Wangga sa sinasabi ni Helen.

“Noong isang taon, doktora. Noong araw na dagitin ng arannik si Dra. Yvette Tresvalles.”

“Nakita mo nang patayin ng arannik si Dra. Yvette?” halos pabulong na tanong ni Wangga.

“Hindi, doktora. Hindi pinatay ng arannik si Dra. Yvette. Alam ko, buhay pa si Dra. Yvette. Buhay pa siya, doktora!”

Ten

“PAANO MO nasigurong buhay pa si Dra. Yvette?” tanong ni Wangga kay Helen.

“Nakasilip ako sa butas sa bintana ng aming bahay. Nakita ko ang isang babaeng tumatakbo. May dala siyang isang maliit na puting bag. Sumisigaw siya, humihingi ng tulong pero walang naglakas-loob na lumabas para damayan siya. Nakilala kong siya si Dra. Yvette dahil sa boses niya. Gusto ko siyang tulungan pero alam kong wala rin naman akong magagawa,” kuwento ni Helen.

Seryosong nakikinig si Wangga. Iniisip niyang baka nga buhay pa si Dra. Yvette. “Hindi siya sinakmal ng arannik?”

“Nadapa siya habang tumatakbo. Siguro tumama sa bato ang ulo niya at nawalan siya ng malay dahil hindi na siya bumangon pagkatapos niyang madapa. Maya-maya ay nakita kong nandyan na sa harapan niya ang arannik. Nakakatakot ang itsura ng halimaw, doktora. Malaki siya. Parang malaking lalaki pero may pakpak at ulo siya na tulad ng sa paniki. Akala ko ay kakagatin niya sa leeg si Dra. Yvette katulad ng mga nauna ng biktima pero hindi. Marahang binuhat ng halimaw si Dra. Yvette. Iyon bang tipong parang iniingingatan niyang masaktan ito. Pagkatapos ay lumipad ang halimaw dala-dala si Dra. Yvette. Napakabilis niyang kumilos. Para siyang ipu-ipong dumaan lang,” mahabang salaysay ni Helen.

“Nakumpirma n’yo bang si Dra. Yvette nga iyon?”

“Oo, doktora. Nang sumikat na ang araw, natagpuan namin doon ang puting bag na dala ni Dra. Yvette. Naroon sa bag ang ilang mga gamit niya, pati ang lisensya niya bilang doktor. At mula rin noon, hindi na namin nakita pa si Dra. Yvette. Maging ang bangkay niya ay hindi namin nakita. Kaya malakas ang kutob ko na hindi pa patay si Dra. Yvette. Buhay pa siya, doktora.”

“Pero nasaan na siya? Isang taon na ang nakararaan mula nang mawala siya. Bakit hindi na siya nakitang muli?”

“Ewan ko po, doktora. Hindi ko alam.”

“Walang ginawa ang mga barangay official para hanapin man lang si Dra. Yvette o alamin kung sino talaga ang pumatay sa mga biktima?”

Umiling si Helen. “Wala po, Dra. Wangga.”

“Salamat sa mga impormasyong sinabi mo. At salamat din sa paniniwala mong hindi ako sangkot sa mga pagpatay na nangyayari dito sa baryo.”

“Wala pong anuman, Doktora. Kung ipipilit pa rin ni Kagawad ang pagsasangkot sa’yo sa mga nangyayari dito sa baryo, handa po akong tumestigo dahil nakita ko mismo ang arannik sa panahong wala ka pa rito sa lugar namin.”

Sa sobrang tuwa ay niyakap ni Wangga nang mahigpit si Helen.

“Tutuloy na ako, Doktora. Mag-iingat po kayo lagi.”

Tumango si Wangga at tinanaw si Helen habang naglalakad ito papalabas ng health center.

“Doktora…”

“Laarni, pasensya ka na medyo natagalan kami ni Helen. Umuwi ka na rin. Dumidilim na.”

“Sige, Doktora. Mag-iingat ka rito.”

“Huwag kang mag-alala, sinisiguro kong nakakandado ang mga pinto bago ako matulog. Hindi naman siguro ako mapapasok ng arannik dito.”

“Hanggang bukas, Doktora.” Hinatid ni Wangga hanggang sa pintuan si Laarni.

Nang makaalis na si Laarni ay nagpasya na siyang i-lock ang pinto pero may biglang humila rito kaya hindi niya ito maisara.

Hindi inaasahan ni Wangga ang pagdating ng isang bisita.

Si Ashton.

“Anong ginagawa mo rito? Lumalatag na ang dilim. Alam mong mapanganib dito kapag gabi.”

“Gusto sana kitang makausap. Maaari ba akong pumasok?” Mukha namang seryoso ito at walang balak manggulo.

“Sige, pumasok ka. Dito tayo sa patients area.”

Pumasok si Ashton. “Maaga pa. Madalas, hatinggabi dumadating ang halimaw.”

“Kabisado mo, ah. Sa pagkakatanda ko, ganitong oras din noong una kong marinig ang tunog ng arannik. Noong araw na dumating ako rito. Natatandaan mo?”

Tumango si Ashton.

“Anong kailangan mo at biglaan naman yata ang pagsugod mo rito?”

“Una, gusto kong mag-sorry sa’yo sa inasal ko kahapon. I was so rude. I didn’t mean to say kung ano man ang mga nasabi ko.”

“Sorry din sa mga nasabi ko. Alam kong na-offend kita kaya mo nasabi ang mga sinabi mo.”

“Ikalawa, gusto kong magpakilala. Noong unang araw na nagkita tayo, tinanong mo kung anong pangalan ko pero hindi ako sumagot. Ako si Ashton De Asis.”

“Alam ko na ang pangalan mo. Naipagtanong ko na sa barangay secretary.”

Sa ’di malamang dahilan ay napangiti si Ashton.

“Aba, marunong ka palang ngumiti. Dati, nagulat ako dahil nagsasalita ka pala. Ngayon naman, ngumingiti ka rin. Amazing!”

Natawa nang mahina si Ashton.

“Wow! Hindi na lang basta ngiti. Tawa na. May sound, though mahina.”

“Seriously, pumunta ako rito para makipagkaibigan sa’yo. I assume, alam mong taga-Manila rin ako.”

Tumango si Wangga. “Bakit ka nga ba nagtitiyaga rito? Ano ang dahilan at dito ka tumira?”

“Malalaman mo sa ibang araw. Pero ngayon, ang dapat nating gawin ay magtulungan. Kailangan ko ang tulong mo. Kailangan mo rin ang tulong ko.”

“Huh? Bakit?”

“Sa bawat sinasabi ko, sangkot ang arannik. Ang halimaw na pumapatay ng mga tagarito sa baryo San Joaquin.”

“Huwag mong sabihin sa akin na kaya ka nagtitiis mamuhay rito ay para maka-bonding ang arannik.”

“Kung puwede nga lang, matagal ko nang ginawa.”

“Ang makipag-bonding sa halimaw?”

Hindi sumagot si Ashton.

“Kung gusto mong magkatulungan tayo, ilatag mo ang baraha mo. Ayoko ng mayroong tinatago. Kahit sabihin mo pang pareho tayong taga-Maynila, estranghero ka pa rin sa akin. Patunayan mong karapat-dapat kitang pagkatiwalaan.” Ginamitan ni Wangga ng reverse psychology ang kausap.

Tiningnan ni Ashton sa mata si Wangga. Hindi nangiming makipagtitigan ang doktora.

“You cannot intimidate me, Mr. Ashton De Asis. Hindi mo ako masisindak sa mga titig lang.”

“Wala naman akong planong sindakin ka.”

“Then start laying your cards on the table. Makikinig ako,” binabaan niya ang tono ng boses para makuha ang loob ni Ashton. “Sabi mo nga, magtulungan tayo. Paano kita matutulungan kung hindi kita lubusang kilala? Kung hindi mo sasabihin sa akin kung ano ang ipinaglalaban mo rito sa baryo San Joaquin.”

“Bago ko gawin ’yon, may itatanong muna ako sa’yo.”

“Go ahead…”

“Alam mo bang usap-usapan sa talipapa ang pangkakasangkot mo sa mga pinaghihinalaang nambibiktima dito sa baryo?”

“Inaasahan ko na ’yon. Napakaliit ng baryo na ito para maitago sa ibang residente ang mga tsismis. Pero alam ko rin na alam mong wala akong kinalaman do’n, hindi ba?”

“Matutulungan kita sa aspetong ’yan para linisin ang pangalan mo.”

“Kaya kong patunayan kahit kanino na hindi ako ang halimaw. Ngayon, ipakilala mo na kung sino ba talaga si Ashton De Asis,” naiinip na sabi ni Wangga.

Huminga muna nang malalim si Ashton. “Wala naman akong balak pumunta rito kung hindi lang talaga kinakailangan kong tuparin ang isang pangako sa namayapa kong ina. Busy ako sa Maynila bilang isang businessman. Isa akong licensed Chemical Engineer pero mas pinili kong magnegosyo. Pag-aari ko ang De Asis Guns and Ammunitions Company. Dealer kami ng mga baril at gumagawa kami ng mga high-powered na bala.”

“Ilang taon ka na?” tanong ni Wangga.

“I’m twenty-eight and still single. Bakit interesado kang malaman?”

Napaarko ang kilay ni Wangga. “Hindi ako interesadong malaman. Naitanong ko lang. Ituloy mo ang pagkukuwento.”

“Maayos ang takbo nang buhay namin. Hanggang sa mamatay ang mama ko dahil sa labis na kalungkutan at depresyon. Depresyon na nag-umpisa nang mawalan kami ng balita at komunikasyon sa kapatid ko na bigla na lang naglaho pagkatapos na ma-assign sa baryong ito bilang doktor.”

Napamulagat si Wangga.

“Oo, kapatid ko si Dr. Yvette Tresvalles. At ipinangako ko sa namayapa kong ina na hahanapin ko siya buhay man o patay!”

Eleven

“KAPATID MO si Dra. Yvette?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Wangga.

“Half-sister. Anak siya ng mama ko sa ikalawang asawa niya,” sagot ni Ashton. “At hindi ako titigil hanggang hindi ko naibabalik sa Maynila ang kapatid ko gaya ng ipinangako ko kay mama.”

“Ano ang plano mo? Saan ka mag-uumpisang hanapin siya?”

“Tulungan mo ako… Alam kong matutulungan mo ako,” seryosong pahayag ni Ashton.

“Ha?” gulat na sabi niya. “Paano kita matutulungan?”

“Alam mo bang iyong doktor na naka-assign dito na pinalitan ni Yvette ay nawala rin at hindi pa rin nakikita hanggang ngayon? Dr. Carlos Luarca ang pangalan niya. Tatlong buwan pa lang mula nang ma-assign siya rito nang mawala siya at hindi na muling nakita pa. Five months after, na-assign naman dito ang kapatid ko. After two months, siya naman ang nawala. Kaya natakot ang mga doktor at tumangging magpa-assign dito,” kuwento ni Ashton.

“Kung nalaman ko lang agad ang tungkol sa kuwentong ’yan, hinding-hindi rin ako papayag na madestino rito,” deklara niya.

“Doktora, nawawala ang lahat ng doktor na naa-assign dito. Kinukuha sila ng halimaw na tinatawag nilang arannik. Ang hindi lang natin alam ay kung nasaan na sila dahil ang katawan ng ibang naging biktima na hindi naman doktor ay nakita naman ng mga residente rito.”

“Sinasabi mo ba na katulad ng ibang mga doktor na na-assign sa baryong ito ay basta rin ako maglalaho na parang bula?”

“Iyon ay isang malaking posibilidad, doktora. Sinampulan ka na ng halimaw, nakatakas ka lang. Pero maaaring hindi ka na makaligtas sa susunod.”

“Pero maaari akong magpalipat sa ibang baryo. Bakit ko naman hihintaying magtagumpay ang halimaw na makuha ako?”

“Huwag, doktora! Nakikiusap ako. Huwag kang aalis sa baryong ito. Tulungan mo akong tuklasin ang lihim na bumabalot sa pagkawala ng mga doktor sa baryong ito. Magtulungan tayo, doktora. Babantayan din kita. Hindi ko hahayaang mangyari sa’yo ano man ang nangyari sa kanila.”

“Ipapain mo ako sa halimaw?”

“No! Hindi ganoon. Nakikita ko lang kasi na mas madalas lumilitaw ang halimaw kapag may doktor dito sa baryo. Kalahating taon na ako rito, pero kahit minsan hindi lumabas ang halimaw. Noong dumating ka, unang tapak mo pa lang sa baryo nagparamdam na siya. Alam ng halimaw na nandito ka na,” matalinong pag-aanalisa ni Ashton. “Akala ko, hindi na talaga lalabas ang halimaw na ’yan. Kaya no’ng lumabas siyang muli pagdating mo rito, naisip kong ikaw talaga ang target niya lalo pa’t alam kong dalawang doktor na ang nawala rito.”

“Hindi! Baka coincidence lang iyon. Nagkataon lang na nawala ang dalawang doktor, kasabay naman sa pagpatay na nangyari dito sa baryo. Walang partikular na target. Basta residente ng baryong ito, puwedeng maging biktima,” argumento niya.

“Do you think so?”

“Oo. Pero huwag kang mag-alala. Hindi ako aalis sa lugar na ito. Desidido na rin akong malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa dalawang doktor na nauna sa akin dito. Tutulungan kitang alamin kung nasaan na ba si Dra. Yvette.”

“Salamat, doktora.” Hindi maipaliwanag ni Ashton ang tuwang nadama sa pagpayag ni Wangga.

“Wangga na lang.” Iniabot niya ang kamay kay Ashton na agad din namang inabot ng binata.

“Salamat, Wangga.” Tumayo ito. “Gabi na, kailangan ko nang umuwi. Pag-usapan natin sa ibang araw kung anong diskarte ang gagawin natin.”

“Sige… Mag-iingat ka sa daan.”

Inihatid ni Wangga sa pintuan si Ashton at tinanaw niya ito hanggang sa tuluyan nang mawala sa kanyang paningin. At saka pa lang siya nagpasyang i-lock ang pinto. Pero bago niya iyon nagawa ay isang malamig na kamay ang humawak sa kanyang braso.

“Aayyy!” Napatili si Wangga sa magkahalong gulat at takot. Mas kinilabutan pa siya nang makita ang may-ari ng kamay na humawak sa kanya.

Ang nanay ni Kapitan Celso. Nanlilisik ang mga mata nito na tila ba galit na galit sa kanya.

“Matigas talaga ang ulo mo! Sinabi ko na sa’yong umalis ka na rito!” Lalo nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa braso ng doktora. Nagtataka si Wangga kung bakit ganoon ang boses ng matandang babae. Nakakatakot! Sinasadya ba nitong palakihin ang boses?

“Ano po ba ang ibig n’yong sabihin? Galit ba kayo sa akin? Bakit gusto mong umalis ako sa lugar n’yo?” Pinipilit niyang pigilan ang nadaramang takot. Kailangang magkalinawan na sila ng matandang babae. Ngayon!

“Hindi ka dapat nakikialam!”

“Saan? Anong pinapakialaman ko? Hindi kita maintindihan. Unang araw ko pa lang dito, naramdaman ko nang ayaw n’yo sa akin. Hindi ko alam kung bakit.” Sinikap niyang hilahin ang braso niya para maalis ang pagkakahawak dito ng matandang babae pero sobrang higpit ng pagkakahawak nito. Ang lakas ng tahip ng dibdib niya. Aaminin niyang sobrang kaba ang nadarama niya kapag kaharap ang matandang ito.

“Mag- iingat ka! Hindi mo alam ang pinapasok mo.” Patapon na binitiwan nito ang braso ni Wangga at walang paalam na tinalikuran ang doktora at naglakad pabalik sa kanyang bahay.

Naiwang nakatulala si Wangga. Hindi niya talaga maintindihan kung ano ang ipinahihiwatig ng matandang babae. Sobrang nahihiwagaan na siya sa mga ikinikilos nito. May kaugnayan ba ang matandang ito sa mga nangyayaring pagsalakay ng halimaw na arannik? May kaugnayan ba sa arannik ang ina ni Kapitan Celso?

Agad na pumasok sa loob ng health center si Wangga at sinigurong naka-lock nang mabuti ang pinto. Pati mga bintana ay isinara na niya. Kampante siyang walang makapapasok na halimaw sa loob ng health center. Ligtas siya rito. At least, for this particular night.

KINAUMAGAHAN AY maagang nagbukas ng health center si Wangga. Masarap ang tulog niya kagabi. Wala siyang narinig na ano mang pagpaparamdam ng arannik. Hindi sumalakay ang halimaw kagabi?

May dalang mga patola at talbos ng kamote para kay Wangga si Laarni nang dumating sa health center. “Doktora, pinitas ko sa bakuran namin. Para sa’yo.” Iniabot niya ang mga gulay kay Wangga.

“Maraming salamat, Laarni. Tamang-tama itong patola. May miswa ako diyan. At saka may niluto akong adobo noong isang gabi. Mas tumatagal, mas sumasarap ang adobo. Huwag ka nang umuwi mamayang tanghalian. Dito ka na lang kumain. Iluluto ko ito mamayang alas-onse.”

“Hindi po talaga ako uuwi mamaya, doktora. Nagbaon na lang ako,” nakangiting sabi ni Laarni.

“Eh, ’di mas mabuti. Sige, basta sasabawan ko mamaya itong dala mong patola para mas masarap ang kain natin.”

“Ikaw po ang bahala, doktora. Sabihan mo lang po ako kung anong maitutulong ko sa pagluluto.”

“Siyanga pala, maalala ko… anong pangalan ng nanay ni Kapitan Celso?”

“Ah, si Ka Nelia Pelaez. Bakit po, doktora?” nagtatakang tanong ni Laarni.

“Anong pagkakakilala mo sa kanya?”

“Ah, mabait naman po si Ka Nelia. Tahimik lang siya. Pero magmula po noong bumalik siya rito, parang nag-iba na ang mga ikinikilos niya.” Nagtataka man ay hindi naman nagdamot ng impormasyon ang barangay secretary.

“Bumalik? Bakit, saan siya nanggaling?” Tumaas ang kuryusidad niya.

“Usap-usapan po dati na namundok siya at sumama sa mga taong-labas,” mas mahina ang boses na sabi ni Laarni.

“Sumapi siya sa mga rebelde?” Gusto ni Wangga na makasiguro.

Tumango si Laarni. “Iyon po ang balita namin. Pero naging sobrang tahimik siya at parang ilag sa tao mula noon. Hindi na rin siya nakikihalubilo sa mga tagarito. Parang naging weird siya, doktora.”

Napaisip si Wangga. Kung totoo nga ang kuwento ni Laarni, malamang na walang koneksyon sa arannik ang ugaling ipinapakita ni Ka Nelia sa kanya. Pero anong nangyari rito noong mga panahong namundok ito para magkaganito ang ugali ng ina ni Kapitan Celso?

Twelve

NASA GUBAT nang mga sandaling iyon si Ashton dala ang isang matalim na itak para manguha ng mga tuyong sanga ng kahoy na magagamit niyang panggatong sa pagluluto. Tanging sandong kulay berde at pantalong maong lang ang suot niya. Marami na rin ang nakuha niyang kahoy kaya nagpasya na siyang umuwi. Noon nahagip ng mga mata niya si Kagawad Dominador. Naglalakad ito sa gitna ng gubat. Nagmamadali ito. Pero palinga-linga na parang ingat na ingat na may makakita sa kanya.

Agad na nagtago si Ashton sa damuhan. Nagtataka siya kung ano ang ginagawa ng kagawad sa gubat sa ganitong oras? At bakit parang may kahina-hinala sa mga ikinikilos nito?

Tahimik na pinagmasdan ni Ashton kung saan patungo ang kagawad ng baryo. Nagpatuloy lang ito sa paglalakad. Nang ilang metro na ang layo nito sa kanya ay nagpasya siyang sundan ito. Iniwan niya ang mga panggatong at maingat na sinundan ang kagawad. Kailangang hindi nito maramdaman na sinusundan niya ito.

Paminsan-minsan ay mabilis siyang nagkukubli sa mga damo at puno kapag lumilingon ang kagawad sa gawi niya.

Malayo na rin ang nilalakad nila. May pagkakataon pang umakyat ng di-kataasang bundok si Kagawad Dominador pagkatapos ay muling bumaba. Maingat pa ring nakasunod si Ashton. Hindi na niya alam kung nasaan na sila. Bahagi pa ba ito ng Baryo San Joaquin?

Napahinto sa paglalakad si Ashton nang tumigil ang kagawad sa isang bahagi ng gubat na tila ba paanan ng isang bundok. Madamo at maraming puno at halaman sa bahaging iyon.

Nagpalinga-linga pa ang kagawad na para bang sinisiguro nitong walang ibang tao sa lugar.

Mabilis na nagkubli si Ashton sa mga damo. Nakatulong na kulay berde ang suot niyang sando kaya hindi kaagad mapapansin na naroon lang siya at nagtatago.

Nang masigurong walang tao sa paligid ay hinawi ni Kagawad Dominador ang madawag na damuhan at tumambad dito ang isang tila lagusan.

Nanlaki ang mga mata ni Ashton. Kuweba! May kuwebang nakatago sa gawing iyon ng kagawad at mukhang papasok ito sa loob.

Bago tuluyang pumasok sa kuweba ay muling lumingon sa likuran niya ang kagawad pagkatapos ay maingat na ibinalik sa dati ang mga damo para hindi mahalata ng kahit sino man ang nakatagong kuweba sa gawing iyon ng kagubatan.

Naghintay pa ng ilang minuto si Ashton bago siya nagpasyang tumayo at puntahan ang bukana ng nakatagong kuweba. Napanganga si Ashton nang makalapit sa bukana ng kuweba. Sa kapal ng mga damo sa paligid nito kasama na ang ibang mga puno at halaman, walang mag-aakalang natatakpan pala nito ang isang lagusan patungo sa isang lugar na hindi pa niya alam kung saan.

Maingat na hinawi niya ang makapal na damo at muling tumambad sa kanya ang bukana ng kuweba. Kagaya ng kagawad, inayos rin niya ang mga damo bago siya tuluyang pumasok.

May kadiliman sa loob ng kuweba. Maingat na naglakad si Ashton. Iniingatan niyang makalikha ng ano mang ingay upang hindi maalerto kung sino man ang nasa loob. Walang dapat makaalam na narito siya at sinusundan si Kagawad Dominador.

Tingin ni Ashton ay nasa kalagitnaan na siya ng kuweba. Hindi na niya nakikita ang kagawad. Nasaan na kaya ito?  Muntik nang mawalan ng panimbang si Ashton nang mula kung saan ay may lumipad na mga paniki patungo sa kanya. Mabuti na lamang at napigilan niyang gumawa ng kahit konting ingay.

Ipinagpatuloy niya ang paglalakad hanggang makakita siya ng kaunting liwanag sa bandang unahan. May labasan ba sa gawing iyon? Doon ba lumabas si Kagawad Dominador kaya hindi na niya ito nakita rito sa loob?

Pupuntahan sana ni Ashton ang gawing may liwanag pero nakita niyang may papasok na lalaki kaya napatakbo siya sa isang gilid ng kuweba at agad na nagtago sa isang malaking tipak ng bato sa may gilid ng yungib.

“Sana hindi niya ako makita…” usal na panalangin ni Ashton.

Pigil ang hininga niya nang dumaan ang lalaking walang iba kundi si Kagawad Dominador pala. Mas lalong hindi siya dapat makita nito!

“Saan siya galing?” tanong niya sa isip.

Nang matiyak niyang nakalayo na ang kagawad ay dahan-dahan siyang lumabas sa pinagtataguan at pinuntahan ang lagusan papalabas ng kuweba.

Para siyang nakahinga nang maluwag nang makasagap muli ng sariwang hangin. Ngunit nagulat siya sa tumambad sa kanya. Isang napakaganda at napakalaking bahay. Bakas na ang kalumaan ng bahay ngunit sa itsura ay maayos naman ito.

“Kanino kaya ang bahay na ito?” Tumingin-tingin siya sa paligid. “May tao kaya rito?” Gusto niyang kumatok at alamin kung sino ang nakatira sa malaking bahay pero may isang bahagi ng kanyang utak ang kumokontra at nagsasabing huwag na niyang gawin ang balak.

Nagpalinga-linga na lang sa paligid si Ashton. Wala siyang kamalay-malay na isang pares ng mga mata ang kanina pa nakatingin sa kanya at pinapanood ang kanyang mga kilos. Kung titingnan, bakas ang matinding galit sa mga mata nito at sa isip ay tinandaang mabuti ang itsura ng lalaking nangahas magmatyag sa paligid ng malaking bahay.

Sa huli ay nagdesisyon si Ashton na pumasok muli sa kuweba at bumalik na sa Baryo San Joaquin.

SA HEALTH Center dumiretso si Ashton. Naabutan niyang nag-aayos ng gamit si Laarni dahil pauwi na ito.

“O, Ashton, magpapa-check up ka ba? Anong nangyari sa’yo? Bakit parang pagod na pagod ka?” tanong ni Laarni.

“Ah, nandyan ba si doktora?”

“Nasa loob. Pumasok ka muna at tatawagin ko.” Pinuntahan niya si Wangga sa check up room. Inabutan niya itong nag-aayos ng mga gamot sa cabinet.

“Doktora, nandiyan po si Ashton.”

“Ha? Bakit daw?”

“Hindi po sinabi, eh. Baka po magpapa-check up.”

“Ah, sige papasukin mo na lang siya rito,” sabi niya sa kanyang assistant.

“Doktora, tutuloy na ako, ha? Hindi ko na hihintayin na matapos ang check up mo kay Ashton,” pakiusap ni Laarni.

“Oo, sige. Ako na ang bahala rito. Ingat ka sa pag-uwi.”

“Salamat, doktora.” Nag-iwan siya ng matamis na ngiti kay Wangga. At bumalik na sa reception area. “Pumasok ka na sa loob. Hinihintay ka ni doktora doon.”

“Thank you.”

“Pakisabi na lang kay doktora na umuwi na ako,” pahabol ni Laarni.

“Sige…”

Kumatok muna si Ashton bago sumilip sa kuwarto. “Wangga…”

“Pumasok ka, Ashton. Bakit ganyan ang itsura mo? Para kang sumuot sa damuhan.” Agad niyang napansin ang ilang hibla ng damo na nakadikit pa sa sando ni Ashton.

“Mahabang kuwento…”

Seryoso siyang nakatingin sa binata. Hinihintay ang susunod na sasabihin nito.

“Nakita ko si Kagawad Dominador sa gubat kanina. Naglakad siya papunta sa isang lugar na hindi ko alam kung parte pa nitong baryo. Pumasok siya sa isang kuweba.”

“Kuweba? Anong ginawa niya sa kuweba?” “Puwedeng doon siya dumaan para mas mabilis niyang marating iyong pupuntahan niya. O puwede ring doon siya dumaan para hindi malaman kung saan siya pupunta.” Umandar na naman ang analytical thinking ni Ashton.

“Bakit naman niya itatago kung saan siya pumunta?” Bakas sa mukha niya ang pagtataka.

“Ewan ko. Pero bago siya pumasok sa kuweba, nagpalinga-linga muna siya. Para bang sinisiguro niyang walang ibang tao sa paligid na makakakita sa kanya. Tingin ko nga hindi rin alam ng mga tagarito na may kuweba pala roon.”

“Nakita mo ba kung ano ang ginawa niya o kung sino ang pinuntahan niya roon?”

“Hindi. Pero may isang malaki at lumang bahay na nakatayo malapit sa kabilang labasan ng kuweba. Hindi ko alam pero, malakas ang kutob ko na may makukuha akong impormasyon sa bahay na iyon.”

“Eh, bakit hindi mo pa pinuntahan?”

“Gusto ko. Gustung-gusto kong puntahan. Pero nakaramdam ako ng panganib.”

Thirteen

“PANGANIB? BAKIT?”

“Ewan ko,” sagot ni Ashton. “Basta, kinutuban ako ng hindi maganda kaya hindi na ako pumunta doon sa bahay. Pero babalikan ko ’yon dahil iba ang kutob ko sa bahay na iyon.”

“Sabihan mo ako kung may maitutulong ako. Pero ano nga kaya ang ginawa ni kagawad sa lugar na iyon?” nagtataka pa rin si Wangga.

“Hindi ko alam. Pero kakaiba ang kilos niya. Para bang may itinatago. At ’yon ang aalamin ko sa lalong madaling panahon,” buo ang loob na sabi ni Ashton.

“Mukhang seryoso ang pinag-uusapan n’yong dalawa, ah. Puwede ba akong makisali?” Pinanlakihan ng mata si Wangga nang makita sa may pinto si Kagawad Dominador. Nakapasok ito nang hindi nila namamalayan.

“Bukas ang pinto kaya pumasok na ako. Eh, bukas din ang pinto rito kaya dumiretso na ako,” kaswal na sabi ng kagawad. “O, Ashton nandito ka pala.”

“Sumakit kasi ang tiyan ko, kagawad kaya nagpa-check up ako kay doktora,” pagsisinungaling pa niya.

“Ahh,” tumatangong sabi ni kagawad. “Mabuti at pumunta ka agad dito.” Bumaling ito kay Wangga. “Doktora, maari ba kitang makausap?”

Napatingin si Wangga kay Ashton.

“Mukhang personal po ang pag-uusapan n’yo. Sige, doktora magpapaalam na ako.” Tumingin ito kay kagawad. “Sige po, kagawad. Mauuna na ako.”

“Hindi,” saway ni kagawad. “Mas okay nga na nandito ka para may witness ako sa gagawin ko. Gusto ko lang namang humingi ng paumanhin kay doktora dahil sa inasal ko sa kanya kahapon. Hindi tamang pinagbintangan ko siya. “I’m sorry, doktora. Ikaw na ang bahalang magpasensya sa akin.” Halata naman sa mukha ni kagawad ang sinseridad.

“Ah, eh… wala po iyon, kagawad. Normal lang naman na nagkakaroon ng paminsan-minsang hindi pagkakaunawaan. Ang importante ay nare-realize natin ang pagkakamali at natututo tayong humingi ng paumanhin.” Nginitian niya ang kausap.

Nag-abot ng palad si kagawad. Walang pag-aalinlangan itong inabot ni Wangga.

“Salamat, doktora. Napakabuti mo.”

Nakamasid lang sa dalawa si Ashton.

“O, paano, doktora? Uuwi na ako,” paalam ni kagawad.

“Sige po…”

“Dapat pa rin tayong mag-ingat sa kanya,” sabi ni Ashton nang wala na si kagawad. “Hindi natin alam kung ano ang itinatago niya.”

“Nag-iingat naman ako palagi.”

“Uuwi na rin ako. Siguruhin mong naka-lock lahat ang mga pinto at bintana. Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang halimaw na makapasok dito,” paalala ni Ashton.

“Oo…”

NAKAHIGA NA si Wangga ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang kinuwento ni Ashton. Bigla ay naging interesado siyang makita ang sinasabi nitong malaking bahay na nasa gubat. Alam kaya ni Laarni ang tungkol sa bahay na iyon? Para namang imposibleng hindi. Kailangan niyang alamin bukas.

Nakatulugan na niya ang pag-iisip.

Nang mga sandaling iyon ay gising pa rin si Ashton. Hinihintay niyang magparamdam ang arannik. Lalabas siya ng bahay sa sandaling marinig niya ang nakakikilabot na tunog nito. Handa na ang mga panlaban niya sa halimaw. Isang flashlight, isang baril na may balang sadyang ipinagawa niya para sa makapal na balat ng halimaw, at isang matalim na balaraw na iniisip niyang isaksak sa tingin niya ay pinakamalambot na bahagi ng katawan nito, ang mata.

Hanggang sa sumapit ang hatinggabi ay matiyagang naghihintay si Ashton. Inaantok na siya dahil napagod siya sa pagsunod kay kagawad kaninang tanghali, pero kailangan niyang labanan ang pagod at antok. Hindi na niya dapat patagalin pa ang pambibiktima ng halimaw. Kailangang matapos na ang pagpatay sa Baryo San Joaquin. At kailangan na ring malaman niya kung ano ba talaga ang nangyari sa kapatid niyang doktora.

Ngunit may mga bagay tayong kung kelan hinihintay ay saka naman hindi dumarating. Hanggang sa makatulog si Ashton sa paghihintay ay hindi nagparamdam ang pumapatay na halimaw.

Nagising si Ashton sa ingay na nagmumula sa labas ng kanyang tinitirhan. Kahit inaantok pa ay bumangon siya para tingnan kung bakit tila nagkakagulo ang mga residente sa baryo. Dumungaw siya sa bintana at nakita niyang nagtatakbuhan ang mga ito patungo sa gubat.

“Anong nangyari?!” sigaw niya sa mga tao.

“May natagpuan na namang patay sa gubat!” sagot sa kanya ng isang lalaki.

Tila nawala ang antok ni Ashton. May nabiktima na naman ng arannik? Paano? Hindi naman ito nagparamdam kagabi. O baka naman hindi lang niya namalayan dahil sa himbing ng tulog niya.

Imposible!

Sigurado siyang hindi sumalakay ang halimaw kagabi.

Nagpasya siyang lumabas para makiusyoso. Eksaktong paglabas niya ay nakita niya sina Wangga at Laarni na papunta rin sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay.

“Doktora!” tawag niya rito.

Napalingon si Wangga. “Ashton! Pupunta ka rin?”

“Oo, nagtataka kasi ako. Hindi naman nagparamdam kagabi ang halimaw pero bakit may biktima?”

“Hindi pa naman nakukumpirma kung ang arannik nga ang pumatay,” sabi naman ni Laarni.

“Sino ba ang biktima?”

“Hindi pa namin alam, Ashton. Malalaman natin mamaya pagdating natin sa gubat,” sagot ni Wangga. “Bilisan na natin.”

Maraming nakikiusyoso sa bangkay. Naroon na rin si Kagawad Dominador.

Nakisilip sina Wangga, Ashton at Laarni.

“Sino ’yan?” tanong ni Wangga sa kasama. Tiningnan niya si Laarni at nakita niya ang kakaibang pagkagulat sa itsura nito.

“Bakit siya?” nagtatakang tanong nito.

“Anong bakit siya? Kilala mo ba siya?” Hindi napigilan ni Ashton na magtanong.

“Magsiuwi na kayo! Kami na ang bahala rito!” Malakas ang boses ni Kagawad Dominador. Napansin nito sina Laarni at Wangga. “Laarni… Doktora, bumalik na rin kayo sa health center. Baka may mga pasyente nang naghihintay sa inyo roon.”

Hinila na ni Laarni si Wangga. “Halika na, doktora.

“Teka muna… Sino ba ’yung biktima?”

“Bakit parang wala akong nakitang kamag-anak na umiiyak o nag-aabalang kunin ang bangkay?” nagtataka na rin si Ashton.

“Halina kayo! Ashton, umuwi ka na. Doktora, balik na tayo sa center.” Mas hinigpitan niya ang hawak sa kamay ni Wangga at binilisan na niya ang paglalakad para makaalis kaagad sila sa lugar na iyon.

Nasa mukha nina Ashton at Wangga ang malaking pagtataka pero hindi nila mapilit si Laarni na magsalita.

Bago tuluyang umalis ay lumingon pa si Ashton sa kinaroroonan ni kagawad at nakita niyang sinusundan sila nito ng tingin. Kung ano man ang nasa isip nito ay hindi nila alam. Pero muli ay nakaramdam siya ng kakaiba sa ikinikilos ng kagawad.

Fourteen

HINDI UMUWI si Ashton. Sumama siya kina Wangga at Laarni sa health center. Nang makarating doon ay naabutan nila ang limang pasyente na naghihintay sa kanila para makapagpakonsulta sa doktora.

“Pasensya na po kayo. Nagpunta lang po kami saglit doon sa bagong biktima ng halimaw,” paghingi ni Wangga ng paumanhin sa mga tao.

“Naiintindihan po namin, doktora,” sagot ng isang matandang babae na siguro ay nasa sisenta ang edad.

“Pumasok na po kayo,” sabi naman ni Laarni.

Si Ashton ay pumasok na rin.

“Magpapa-check up ka ulit, Ashton?”

“Oo, follow-up ng check up ko kahapon,” pagsisinungaling niya. “Pero paunahin mo na sila. Panghuli na lang ako. Lima lang naman sila.”

“Okay, maupo ka muna riyan.” Inumpisahang kunin ni Laarni ang personal information ng mga pasyente para sa medical records nila. Nang matapos ang isa ay agad niya itong inendorso kay Wangga.

Mabilis namang natapos ni Wangga ang limang pasyente dahil hindi naman malala ang mga sakit na idinaraing ng mga ito. Niresetahan niya ang mga pasyente at pinayuhang bumalik kapag ubos na ang mga gamot na ibinigay niya. Pumasok si Laarni sa check up room.

“Doktora, si Ashton na lang ang natitira. Follow up check up daw niya today.”

Mabuti na lang at agad nasakyan ni Wangga ang sinabi ng kanyang assistant. “Sige papasukin mo na siya.”

Bumalik na si Laarni sa reception area at ilang sandali lang ay si Ashton naman ang kaharap ni Wangga.

“Isara mo ang pinto,” sabi ng doktora.

Umupo si Ashton. “Nakita mo ba iyong reaksyon ni Laarni kanina nang makita niya ang bangkay? Sabi niya, bakit siya? Tingin mo, kilala niya ang biktima?” agad na tanong ni Ashton. Kaninang-kanina pa siya naghahanap ng kasagutan sa naglalarong mga tanong sa isip niya.

“Oo, napansin ko rin ’yon.”

“At bakit parang walang kamag-anak na nagke-claim sa bangkay? Narinig mo ang sabi ni kagawad? Sila na raw ang bahala roon. Ibig bang sabihin, wala talagang pamilya rito ’yong biktima?”

“Mukhang wala, eh. Pero sa tingin mo ba, arannik ang pumatay sa biktima?” tanong ni Wangga.

“Nakita ko ang sugat sa leeg ng bangkay, kapareho rin ng sugat ng mga unang naging biktima.”

“Pero hindi nagparamdam ang arannik kagabi. Ibig sabihin, hindi ito sumalakay. Pero bakit may biktima?”

“Iyon din ang hindi ko lubos maisip,” mahina ang boses pero madiin na sabi ni Ashton. “Well, maliban na lang kung previously ay may nangyari nang ganito na sumalakay ang halimaw nang hindi man lang ito nagbigay ng kanyang nakakikilabot na tunog.”

“Paano natin malalaman?”

“Si Laarni. Maaaring alam niya. Maitatanong na rin natin sa kanya kung sino ang bangkay na nakita sa gubat kanina at bakit ganoon ang reaksyon niya nang makita ito?”

Tumayo si Wangga. “Halika, puntahan natin siya.” Lumabas sila ng silid at pinuntahan si Laarni sa reception area.

“May kailangan ka po, doktora?”

“Puwede ka ba naming makausap? May gusto lang sana kaming itanong sa’yo.”

“Ah, puwede naman po. Tungkol po ba saan?”

“Tungkol doon sa huling lalaking naging biktima ng arannik.”

“Ano po ang tungkol doon?”

“Kilala mo ba ang biktima? Bakit tila wala siyang pamilya rito? Tagasaan siya,” sunod-sunod ang tanong ni Wangga.

“At bakit parang gulat na gulat ka kanina nang makita mong siya ang biktima?” tanong naman ni Ashton.

“Doktora… Kasi, ano…” May pag-aalinlangan si Laarni. Kung titingnan, parang nagdadalawang-isip itong magbigay ng impormasyon.

“Ano iyon, Laarni? Sabihin mo sa amin,” pangungumbinsi ni Wangga.

“Naguguluhan rin kasi ako, doktora. Hindi ko rin kasi maisip kung bakit siya.”

“Ano bang ibig mong sabihin ng, “bakit siya”? Hindi ba siya puwedeng maging biktima ng halimaw?“

“Hindi… Matagal na siyang wala rito, eh. Paano siya mabibiktima ng halimaw kung almost two years na siyang hindi naninirahan dito sa baryo?”

“Teka, magulo. Naguguluhan ako,” sawata ni Wangga. Isa-isahin natin. “Sino ’yung biktima? Ano ang pangalan niya?”

“Siya si Dr. Ernesto Roxas. Siya iyong doktor dito na pinalitan ni Dr. Carlos Luarca. Hindi ko siya makakalimutan dahil siya ang gumamot sa akin noong dalhin ako ng nanay ko rito sa health center dahil sa matinding pananakit ng tiyan.”

Nagkatinginan sina Ashton at Wangga.

“Sabi mo, matagal na siyang wala rito. Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Ashton.

“Wala na siya rito kasi nagpaalam siyang babalik na sa Maynila. Sabi niya, mag-aaral siya para maging surgeon,” paliwanag ni Laarni.

“Nakita mo siyang umalis dito?”

“Oo, nagpaalam pa nga kami sa kanya. Barangay Secretary na ako noon. Nakita ko siyang umalis dito, dala ang maleta niya. Hinatid pa nga siya ni Kagawad Dominador at ng isang pinsan nitong lalaki.”

“Si kagawad?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Wangga. Napatingin siyang muli kay Ashton na matiim ding nag-iisip at tila pinagdudugtong ang mga sinasabi ni Laarni.

Pareho ba sila ng iniisip?

“Wala talaga siyang pamilya rito dahil katulad n’yo, taga-Maynila rin siya,” dagdag ni Laarni.

Nagtanong si Ashton. “Few days or few weeks after umalis dito si Dr. Roxas, wala bang naghanap sa kanya?”

Nag-isip muna si Laarni bago sumagot, “Wala naman. Wala akong natatandaang may naghanap sa kanya.”

“Iniisip mo ba ang iniisip ko, Ashton?” May namumuong takot sa mukha ni Wangga. “Iniisip mo bang hindi nakabalik ng Maynila si Dr. Roxas?”

Marahang tumango si Ashton. “Hindi dalawang doktor lang ang nawala sa baryong ito. Tatlo sila. Si Dr. Ernesto Roxas, si Dr. Carlos Luarca, at si Dr. Yvette Tresvalles.”

Napamulagat si Laarni sa sinabi ni Ashton.

“Hindi nakabalik ng Maynila si Dr. Roxas. At marahil kung saan man siya napunta sa loob ng mahabang panahong iyon, doon din napunta ang dalawa pang nawawalang mga doktor. Isipin n’yo, sa kanilang tatlo siya pa lang ang nakitang patay. Ibig sabihin, malaki ang tsansang buhay pa sina Dr. Luarca at Dr. Tresvalles. Kailangan na lang nating malaman kung nasaan silang dalawa bago pa nila sapitin ang nangyari kay Dr. Roxas,” mahabang salaysay ni Ashton.

Napatingin si Laarni kay Wangga. “Doktora, ibig bang sabihin bihag ng arannik sina Dr. Luarca at Dr. Tresvalles?”

“Posible…”

“Pero saan naman itinatago ng halimaw ang dalawang doktor? Maliit lang itong Baryo San Joaquin.”

“Iyan ang aalamin natin. Handa ka bang makipagtulungan sa amin, Laarni?” tanong ng binata.

“Ha?” Bumakas ang pag-aalinlangan sa mukha ng assistant ni Wangga. “Natatakot ako. Baka ako naman ang puntiryahin ng arannik.”

“Magtutulungan tayong tatlo. Huwag kang matakot. Poprotektahan natin ang isa’t-isa,” paniniguro ni Wangga. “Pagtulungan nating tuklasin kung nasaan ang nawawalang dalawang doktor.”

“Pumapayag ka ba?” tanong ni Ashton. “Walang ibang makakaalam ng ating gagawin. Tayong tatlo lang.”

Saglit na natahimik si Laarni. Halatang pinag-iisipan nitong mabuti ang sinabi nina Ashton at Wangga. Mukhang mapanganib ang kanilang gagawin. Pero para naman iyon sa ikatatahimik ng kanilang baryo.

“Pumapayag ka na ba?” Si Wangga naman ang nagtanong.

“Mukhang masyadong seryoso ang pinag-uusapan n’yo, ah…”

Sabay-sabay silang napalingon sa pinto at nakita nila ang nakangising si Kagawad Dominador Almanzor.

Fifteen

“IKAW PALA, Kagawad… Pasok ka,” Si Wangga ang unang nakabawi sa pagkakagulat.

“Bakit parang nagulat kayo sa pagdating ko?” Hindi nawawala ang ngisi nito. “Ano ba ang seryosong pinag-uusapan ninyo?”

“Wala naman, kagawad. Binibilinan ko lang si Laarni ng mga gagawin namin bukas. Magpapatulong kami kay Ashton,” palusot ni Wangga.

“Gagawin? Ano ba ’yon?”

Naghagilap ng isasagot si Wangga. “Ah, kasi kagawad kailangan ko sana ng isang kabinet pa para paglagyan ng iba kong gamit. Kaya naisipan kong gagawa kami bukas pagkatapos ng check up ng mga pasyente. Kinausap ko na si Ashton para magpatulong.”

“Hmm…” Tumango-tango si kagawad. “Sige, pupunta na ako sa barangay hall. Kung may kailangan kayo, puntahan n’yo lang ako roon.”

“Salamat, kagawad.” Binigyan ito ni Wangga ng matipid na ngiti.

“Sige, Laarni… Ashton, aalis na ako.” Tumalikod na si kagawad para umalis.

“Kagawad…”

Napahinto ito at nilingon si Wangga. “Bakit, doktora?”

“Nasaan na ’yong bangkay ng lalaking natagpuan sa gubat?”

Ngumisi ang kausap ng doktora. “Ipinalibing ko na,” diretsahang sagot nito.

Nanlaki ang mga mata ni Wangga. Maging sina Ashton at Laarni ay nagulat rin sa sinabi ng kagawad.

“Bakit n’yo ipinalibing? Hindi ba dapat i-turn over iyon sa mga pulis for investigation tapos i-deposit sa funeral parlor para ma-preserve ang bangkay hanggang hindi pa kinukuha ng mga kaanak nito?”

“Hindi na kailangan.” Halos magsalubong ang mga kilay ng kagawad. “Ipapa-report ko na lang sa pulisya ang nangyari. Ngayon, kung may mag-claim ng bangkay, eh ’di ipapahukay ko na lang. Problema ba ’yon?”

Gustong mapailing ni Wangga sa katwiran ni kagawad. Anong klaseng opisyal ng barangay ba itong kausap niya? Hindi niya talaga maintindihan ang inuugali nito sa pagdedesisyon tungkol sa mga naging biktima ng halimaw.

“Kung wala na kayong itatanong, aalis na ako.”

Napabuga ng hangin si Wangga nang makaalis na ang kagawad. “Napakaimposible ng taong ’yan,” napipikon na deklara niya. “Hindi niya dapat ginawa iyon.”

“Oo, doktora, mali ’yong ginawa niya. Hindi niya dapat basta-basta ipinalibing si Dr. Roxas,” sang-ayon ni Laarni.

“Pupunta ako sa bayan bukas. Ire-report ko sa pulisya ang pagkamatay ni Dr. Roxas,” sabi ni Ashton. “Hindi ako naniniwalang ipapa-report iyon ni kagawad. Malakas talaga ang kutob ko na may itinatago ang kagawad na iyan. Ewan ko, pero parang may alam siya sa mga nangyayaring pagpatay ng halimaw. Hindi ko sinasabing siya ang halimaw pero posibleng siya nga. At tutuklasin natin ’yan para matahimik na ang baryong ito.” Bumaling ang tingin niya kay Laarni. “Tatanungin ka namin ulit, Laarni… Handa ka bang tulungan kaming tuklasin amg misteryong dala ng arannik?”

Napatingin na rin si Wangga sa barangay secretary. “Laarni, kikilos tayo nang tahimik. Hindi natin ipapaalam sa iba na gumagawa tayo ng sarili nating imbestigasyon. Mag-iingat tayo…”

“Hinihintay namin ang sagot mo…” Hindi inaalis ni Ashton ang tingin sa kausap.

“P-pumapayag na ako, Ashton… doktora.”

Hindi maipaliwanag ang sayang nadama ni Wangga. “Maraming salamat, Laarni. Huwag kang matakot. Walang masamang mangyayari sa atin.”

“Sana nga, doktora. Huwag sana tayong mabiktima ng halimaw…”

Napatingin si Wangga sa labas at nahagip ng mata niya ang ina ni Kapitan Celso na nakatayo sa labas ng kanilang bahay. Nagtama ang kanilang mga tingin kaya nginitian niya ang matandang babae. Ngunit isang matalim na titig ang ipinukol nito sa kanya.

Binalewala na lang ni Wangga ang ginawa ni Ka Nelia.

“Uuwi na ako,” maya-maya’y sabi ni Ashton. “Makulimlim. Mukhang uulan mamaya.”

BUMUHOS NGA ang malakas na ulan nang gabing iyon. Napakalakas na aakalain mong may dumating na bagyo dahil may kasama pang mga pagkulog at pagkidlat. Ang madilim na gabi ay mas pinadilim pa ng masungit na panahon. Pinalamig din nito ang simoy ng hangin kaya minabuti ng mga residente na matulog nang maaga.

Si Wangga ay maaga ring nakatulog. Mas nagpahimbing sa tulog ng mga taga-baryo ang malamig na panahong dala ng malakas na hangin at ulan.

Si Ashton man ay malalim na rin ang tulog. Ngunit ang mahimbing niyang pagtulog ay pinutol ng malakas na tila atungal ng isang uri ng hayop. Malakas ang atungal na iyon at para bang nanggagaling lang sa labas ng silid ni Ashton. Ang ingay na likha ng hayop na iyon ay humahalo sa tunog na dala ng malakas na ulan at pag-ihip ng hangin.

Bumangon si Ashton. Kasabay ng pagbangon niya ang tila pagbangga ng umaatungal na hayop sa plywood na dingding ng kuwarto niya. Kinapa niya ang switch ng ilaw pero hindi sumindi ang bumbilya sa kanyang silid. Pundido? O baka naman may nagpatay ng generator?

Patuloy sa pagbangga sa dingding ng kuwarto ang umaatungal na hayop. Kung hindi ito hihinto, siguradong masisira nito ang kanyang silid.

Hinagilap ni Ashton ang bag kung saan niya nilagay ang kanyang cellphone. Siguradong may battery pa iyon at magagamit niya ang flashlight nito. Eksaktong nakuha niya ang cellphone nang bumigay ang dingding ng kanyang silid. Mas naging prominente ang atungal ng nilalang na ngayon ay nasa kanya ng harapan ngunit hindi niya ganap na mahitsurahan.

Mabilis na binuksan ni Ashton ang flashlight ng kanyang cellphone at itinapat iyon sa umaatungal na nilalang.

Nanghilakbot siya nang makita ang itsura ng nilalang na sumira sa kanyang silid!

“Mahabaging Diyos! Anong klaseng halimaw ito?!”

Bago pa nakakilos si Ashton ay tinabig na siya ng halimaw at tumilapon siya sa salas ng bahay. Napasigaw si Ashton sa sakit nang humampas siya sa dingding ng bahay bago siya bumagsak sa sahig.

Hindi kaagad siya nakabangon. Ininda niya ang sakit na nararamdaman.

Naglakad ang halimaw papalapit kay Ashton.

Sinikap niyang tumayo. Pero bago pa siya tuluyang makabangon ay nahawakan na siya ng halimaw sa braso.

Pakiramdam ni Ashton ay nabali ang buto niya sa higpit ng pagkakahawak sa kanya ng halimaw. Pinilit niyang kumawala ngunit lubhang malakas ang nilalang na ito. Bumabaon sa braso niya ang mahahaba at matutulis nitong mga kuko. Ramdam na ramdam ni Ashton ang sakit.

Itinaas ng halimaw si Ashton upang ibalibag. Sa kawalan ng maiisip na paraan para makawala ay mabilis niyang kinunan ng litrato ang halimaw. Tila nagulat ang halimaw nang mag-flash ang camera ng cellphone niya. Nabitiwan siya nito. Pagbagsak sa sahig ay tumilapon ang cellphone niya. Agad siyang tumayo at tinakbo ang kabinet sa isang sulok ng bahay kung saan niya nilagay ang baril na gagamitin sana niya sa arannik. Kahit madilim, kabisado niya kung nasaan ang baril.

Walang inaksayang sandali si Ashton. Pagkakuha niya ng baril ay agad niya itong ikinasa at itinutok sa halimaw na ngayon ay papalapit na sa kanya.

Sa gitna ng madilim na kabahayan ay ipinutok niya ang baril. Kahit hindi niya ito maaninag, sigurado siyang tinamaan niya ang halimaw. Sa laki ba naman nito, imposibleng hindi niya ito tamaan.

Narinig niyang muling umatungal ang halimaw.

Tumakbo papalabas ng bahay si Ashton. Malakas pa rin ang ulan. “Lumabas ka rito. Dito tayo maglaban!” Hinintay niyang lumabas din ang halimaw pero pagkalipas ng ilang minuto ay hindi pa rin ito lumalabas. Wala na rin siyang naririnig na pag-atungal.

“Napatay ko ba ang halimaw?” tanong niya sa kanyang isip.

Saglit niyang pinakiramdaman ang paligid. Baka katulad niya ay inaabangan lang din siya ng halimaw. Hinigpitan niya ang hawak sa dalang baril.

Dahan-dahan siyang lumapit sa pinto ng bahay upang sumilip sa loob. Pero kalat pa rin ang kadiliman, wala siyang maaninag. Ang napansin lang niya, totoong tahimik na sa loob ng bahay. Siguro nga ay napatay niya ang halimaw!

Lakas-loob siyang pumasok. Sakali mang muli siyang mahawakan ng halimaw, sisiguruhin niyang sa ulo nito tatama ang bala ng dala niyang baril.

Nakiramdam siya sa paligid. Mas tahimik sa loob ng bahay. Mas tahimik dahil ang inaakala niyang napatay na halimaw ay wala na rin doon!

Sixteen

WALA NA nga ang halimaw. Tumakas na.

Kumuha si Ashton ng kandila at sinindihan para may liwanag sa loob ng bahay. Hinanap niya ang kanyang cellphone na nabitawan niya kanina. Nang makita niya ito ay agad niyang pinuntahan sa gallery ang litrato ng halimaw.

Hindi pa rin makapaniwala si Ashton na larawang tumambad sa kanya. Kakaibang halimaw ang umatake sa kanya. Una, iba ang tunog nito. Kakaiba kaysa sa arannik na matagal na niyang inaabangang biktimahin siya. Ikalawa, iba rin ang itsura nito. Ang arannik ay parang taong may mukha at pakpak ng paniki. Pero ang halimaw na sumalakay sa kanya ay mukhang pinaghalong unggoy at baboy-ramo. At higit na malaki ang halimaw na ito kaysa sa arannik!

Saan galing ang halimaw na ito? Nakakatakot! Kung dati ay isa lang ang halimaw na pumapatay sa mga residente ng Baryo San Joaquin, ngayon ay dalawa na.

Dalawa lang ba talaga?

Paano kung may iba pang klase ng halimaw na lumabas at maghasik ng lagim sa baryo?

Hindi na nakatulog si Ashton. Nang lumiwanag ay saka niya nakita nang mabuti ang sira na ginawa ng halimaw sa kanyang silid. Nakita rin niya ang ilang patak ng dugo sa sahig na nagkumpirma sa hinala niyang tinamaan nga niya ang halimaw nang barlin niya ito.

Inayos niya ang nasirang dingding ng kanyang kuwarto. Hindi na ito katulad ng dati pero ang importante ay may maayos na siyang matutulugan mamayang gabi.

Pagkatapos kumpunihin ang nasirang dingding ay agad siyang pumunta sa health center para ipaggamot ang mga sugat niya sa braso na sanhi ng mga bumaong kuko ng halimaw sa kanyang balat. Maaga pa. Marahil ay sarado pa ang health center pero uunahan na niya ang ibang mga pasyente dahil kailangan din niyang makausap si Wangga tungkol sa nangyaring pagsalakay ng bagong halimaw kagabi.

Pagdating sa health center ay agad siyang kumatok. Tama siya. Sarado pa nga ito. Tulog pa siguro si Wangga.

Paulit-ulit pa siyang kumatok hanggang sa may nagbukas ng pinto.

“Ashton, anong ginagawa mo rito nang napakaaga?” gulat na tanong ni Wangga. Napansin nito ang mag maliliit na sugat sa braso ng binata. “Napaano ’yang braso mo? Bakit andaming sugat? Pumasok ka rito at nang magamot natin ’yan.”

Agad na pumasok si Ashton. Muling isinara ni Wangga ang pinto. Pagkatapos ay kumuha ng panlinis ng sugat sa medicine cabinet.

“Ano ba ang nangyari?” muling tanong niya kay Ashton. “Umupo ka rito at lilinisan ko ang sugat mo.”

Lumapit siya kay Wangga. “Sumalakay ang halimaw kagabi. Pumasok siya sa tinitirhan ko. Sinira niya ang dingding ng kuwarto ko.”

“Ang arannik? Sumalakay na naman ang arannik?” nanlalaki ang mga matang tanong ng doktora habang ginagamot ang mga sugat ng lalaki.

“Hindi,” sunod-sunod na iling ni Ashton. “Hindi arannik ang sumalakay kagabi. Iba siya. Ibang klaseng halimaw ang muntik nang pumatay sa akin kagabi.”

“Anong ibig mong sabihin?” Mas lalong nadagdagan ang pagtataka sa mukha ni Wangga.

“Eto, nakuhaan ko siya ng litrato. Tingnan mo…” Agad niyang ipinakita sa doktora ang larawan ng halimaw na nasa kanyang cellphone.

“Ano ’to? Anong klaseng halimaw ito? Malaking unggoy?”

“Tingnan mong mabuti. Hindi lang siya basta unggoy. Ang itsura niya ay pinaghalong unggoy at baboy-ramo. At malaki siya. Mas malaki at mas matangkad sa akin.”

“Saan galing ’yan? Anong nangyayari sa baryong ito? Pugad ba ito ng iba’t-ibang klaseng mga halimaw?” napapantastikuhang tanong niya. “Paano kung sabay na sumalakay ang dalawang halimaw? Walang ginagawang aksyon ang mga opisyal ng barangay. Hihintayin pa ba nilang maubos ang mga residente rito?”

“Kailangan nating mas maging maingat. Hindi natin alam kung bakit sinasalakay ng mga halimaw amg baryong ito. At mas lalong hindi natin alam kung saan sila nagkukuta. Walang nakakaalam kung kelan sila muling sasalakay. Kaya dapat na lagi tayong handa.”

Natapos na si Wangga na gamutin ang mga sugat ni Ashton. “Inumin mo ito. Three times a day. Bumalik ka na lang dito kapag ubos na ang gamot.”

“Nabaril ko ang halimaw…”

“Ha? Tinamaan mo ba?”

“Alam kong tinamaan ko siya. Nakita ko ang mga patak ng dugo sa sahig ng tirahan ko. Pero tumakas siya. At alam kong babalikan niya ako dahil nasugatan ko siya.” May naalalang itanong si Ashton. “Hindi ba binuksan ang generator kagabi?”

“Alam ko, binuksan naman. Kasi, may ilaw naman ako rito nang matulog ako kagabi. Hindi ko lang sigurado kung pinatay nila,” sagot niya. “Bakit?”

“Iniisip ko lang kung may koneksyon ba ang pagpatay sa generator, sa pagdating ng bagong halimaw. Wala akong makita sa dilim kaya hindi ko napuruhan ang halimaw. Kung may ilaw lang kagabi, baka napatay ko na ang halimaw na iyon.”

“Doktora!” Sunod-sunod ang katok sa pinto ang narinig nila.

“Si Laarni, nandiyan na siya.” Tumayo si Wangga upang buksan ang pinto.

“Magandang umaga, doktora,” bati sa kanya ng barangay secretary.

Nginitian niya ito.

Nagulat pa si Laarni nang makita sa loob si Ashton. “Nandito ka pala, Ashton.”

“Mabuti at dumating ka na. Baka masagot mo ang ilang tanong na gumugulo sa utak ko.”

“Ano iyon?”

“Sa pagkakaalam mo, may iba pa bang halimaw na sumasalakay dito sa baryo maliban sa arannik?”

Napakunot-noo ang babae pagkatapos ay umiling. “Wala naman. Iyong arannik lang ang nambibiktima ng mga tao rito. Bakit?”

Si Wangga ang sumagot. “Sinalakay si Ashton ng halimaw kagabi. Pero ibang klaseng halimaw. Hindi ang arannik.”

“Eto siya…” Iniabot ni Ashton kay Laarni ang cellphone.

“Diyos ko!” Natakpan ni Laarni ang sariling bibig pagkakita sa larawan ng halimaw. “Anong klaseng nilalang ito?”

“Halimaw na pinaghalong unggoy at baboy-ramo…”

“Unggoy at baboy-ramo? Matangkad ba ito at matalas ang mga kuko?”

“Oo!” Halos magkasabay na sagot nina Wangga at Ashton.

“Nependiso…” bulong ni Laarni. “Tama! Nependiso ’yan!”

“Anong nependiso?” tanong ni Ashton.

“Natatandaan kong kuwento ng lolo ko noong bata pa ako. Kapag nagkukuwento siya ng tungkol sa mga halimaw, may nababanggit siyang isang klase ng halimaw na ang itsura ay pinaghalong unggoy at baboy-ramo. Nependiso ang natatandaan kong tawag ni lolo sa halimaw na iyon. Mabilis kumilos ang nependiso. Halos umabot ng siyam na piye ang taas at matatalas ang kuko. Madalas raw na inaabangan lang ng nependiso ang kanyang biktima sa itaas ng puno. Pagtapat ng biktima sa puno kung saan naroon ang nependiso, tatalon ito at sisikwatin ang biktima para dalhin sa isang lugar at doon kainin,” mahabang kuwento ni Laarni. “Pero may mga pagkakataong pumapasok ito sa loob ng mga bahay para maghanap ng biktima.”

“Nependiso…” sambit ni Ashton.

“Hindi pa ako nakakakita ng nependiso. Hindi ko akalaing totoong may ganoong halimaw. Akala ko, kuwento-kuwento lang,” takot na sabi ni Laarni.

“Humanda kayong dalawa. Hindi natin alam, baka may iba pang klase ng halimaw ang bigla na lang sasalakay dito sa baryo.”

“Anong plano mo?” biglang naitanong ni Wangga.

“Pupunta ako sa barangay hall mamaya. Kailangang may gawing aksyon ang mga opisyal dito para mapatay ang salot na halimaw.”

Seventeen

“MAGANDANG UMAGA, Kagawad.”

“O, Ashton napadalaw ka. Anong sadya mo?” salubong na tanong ni Kagawad Dominador. Hindi niya inaasahan na magiging bisita niya ngayong araw rito sa barangay hall si Ashton. “Maupo ka.”

Umupo si Ashton. “Kagawad, ire-report ko sana ’yong nangyari sa akin kagabi sa bahay. Sinalakay ako ng halimaw. Wala bang gagawin ang barangay para mahuli at mapatay ang halimaw na sumasalakay rito sa baryo? Marami na ang napatay. Hihintayin ba nating maubos ang mga residente rito?”

“Nakita mo ang halimaw?”

“Nakunan ko siya ng litrato.” Ipinakita niya ang litratong nasa cellphone niya. “Ayan siya, napakalaki niya. Mukha siyang unggoy na may katawan ng baboy-ramo.”

Mukhang hindi makapaniwala si kagawad sa nakita. Bigla ay parang nag-isip ito nang malalim.

“Anong plano n’yong gawin dito? Sabi n’yo magpaparonda kayo ’pag gabi para maproteksyunan ang mga residente. Bakit hindi pa inuumpisahan ang rondang ’yan?”

“Magpupulong kami ng mga tanod pagkatapos nating mag-usap. Pauumpisahan ko mamayang gabi ang pagroronda sa barangay,” pangako nito.

“Aasahan ko ’yan, kagawad. Huwag na nating hintaying makapambiktima na naman ang halimaw,” mariing sambit ni Ashton.

Napansin ni kagawad ang mga sugat sa braso ni Ashton. “Kagagawan ba ng halimaw ang mga sugat sa braso mo?”

Marahan siyang tumango. “Muntik na niya akong mapatay kagabi. Sinira niya ang dingding ng tinitirhan ko at pumasok siya sa loob ng bahay.”

“Sige, makakaasa kang may magroronda na simula mamayang gabi. May gusto ka pa bang sabihin?”

“Wala na, kagawad. Salamat… Aalis na ako.” Tumayo na siya at naglakad papalabas ng barangay hall.

Sunod ang tingin sa kanya ni kagawad. Matiim ang tinging ipinupukol nito kay Ashton. Kung ano man ang iniisip nito, tanging ito lang ang nakaaalam.

Dumiretso muli sa health center si Ashton. Eksaktong wala ng pasyente si Wangga at si Laarni naman ay nakita niyang naghahanda nang mananghalian.

“O, Ashton nai-report mo na ba sa barangay ang nangyari sa’yo kagabi?” tanong ni Laarni. “Tamang-tama ang dating mo, dito ka na kumain.”

Noon naman lumabas ng check up room si Wangga at pumunta sa reception area. “Ashton, dito ka na kumain. Nagluto si Laarni kanina. Marami ito, sobra pa sa ating tatlo.”

“Oo nga, para matikman mo rin ang luto ko. Ginisang mongo at paksiw na isdang bato. Masarap ito,” pagmamalaki ni Laarni.

“Umupo ka na rito, Ashton,” anyaya ni Wangga. “Huwag ka nang mahiya, paminsan-minsan lang ito.”

Pinagbigyan niya ang alok ng dalawang babae. Habang kumakain sila ay muling naungkat ang pinag-usapan nila kaninang umaga.

“Ano ang plano natin sa halimaw?” simulang tanong ni Wangga.

“Basta, ’yong siguradong hindi tayo mapapahamak, ha? Mahirap namang maging bayani tayo, tapos tsugi naman tayo in the end.” Si Laarni ay halata pa rin ang takot sa kanilang gagawin.

“Nag-report na ako sa barangay kanina. Sabi ni kagawad, magroronda na ang mga tanod simula mamayang gabi. Sana, mahuli nila ang gumagalang halimaw. Pinakita ko kay kagawad ang litrato ng halimaw, napansin ko medyo natigilan siya noong makita niya ito. Hindi ko alam kung bakit.” Pagkatapos magsalita ay sumubo ng kanin si Ashton.

“Paano ba tayo mag-uumpisa? At saan? Wala naman tayong puwedeng paghinalaan.” Si Laarni ay mausisa na rin.

“Pinaghihinalaan ko si kagawad,” deklara ni Ashton. “Naalala mo ba, Wangga ’yung sinabi ko sa’yo na nakita ko siyang pumunta sa isang malaki at lumang bahay doon sa gubat pagbaba ng bundok?”

“Oo, natatandaan ko ’yon.”

“Malaking bahay sa gubat pagbaba ng bundok?” tanong ni Laarni. Hindi ko alam na may bahay doon.“

“Maaaring hindi mo talaga alam, dahil wala naman yatang nagpupunta doon. Pero si kagawad, nasundan ko siya nang minsang pumunta siya roon,” pagkukuwento ng binata.

“Anong plano natin ngayon? Pupuntahan ba natin ang bahay na iyon?”

“Oo…” Desidido na talaga si Ashton. “Sinong sasama?”

“Mas okay siguro kung tayong tatlo na lang. Para anuman ang mangyari, puwede nating tulungan ang isa’t-isa,” suhestiyon ni Laarni.

“Sige, tayong tatlo ang pupunta roon,” pagsang-ayon ni Wangga. “Ang tanong, kailan?”

“Sa Sabado. Para sarado itong health center,” sagot naman ni Ashton.

“Magandang hapon po, doktora.” Ang tinig ay nagmula sa pintuan. Napalingon ang tatlo sa bagong dating.

“Mang Gimo, kayo pala. Pumasok po kayo. Kain po tayo,” alok ni Wangga. “Ano ho ang atin?”

“Eh, magpapa-check up po sana ako, doktora. Dalawang araw na akong inuubo. Nananakit na ang dibdib at lalamunan ko.”

“Maupo ho muna kayo dyan at ililigpit ko lang itong pinagkainan namin.”

“Sige lang, doktora. Kumain muna kayo. Makapaghihintay naman ako,” nahihiyang sabi ng lalaki.

“Hindi ho, tapos na akong kumain.” Tumayo na siya para pumunta sa kusina. “Sandali lang, Mang Gimo maghuhugas lang ako ng kamay.”

“Ako na po ang bahala rito, doktora,” pagboboluntaryo ni Laarni. “Kain ka lang, Ashton.”

“Tapos na rin ako,” sabi ni Ashton.

“Naku, ang hihina n’yo palang kumain. Hindi ba masarap ang luto ko?”

Natawa nang mahina si Ashton. “Masarap ang luto mo, Laarni. Ang dami ko na ngang nakain, eh. Salamat sa masarap na pananghalian.”

“Mang Gimo, punta na po kayo rito.” Narinig nilang sabi ni Wangga. Agad na tumayo ang lalaki at pumunta sa check up room kung nasaan ang doktora.

Sinuri ni Wangga si Mang Gimo. Nang matapos ay binigyan niya ng gamot ang pasyente. “Inumin n’yo po ito tatlong beses isang araw pagkatapos kumain,” paalala niya rito. “Bumalik po kayo rito ’pag ubos na ang gamot.”

Tumango ito. “Maraming salamat, doktora. Aalis na po ako.”

“Sige, Mang Gimo. Ingat po kayo.” Totoo ang ngiting ipinakita niya sa matandang lalaki.

Pagkaalis ni Gimo ay pumasok naman sa check up room si Ashton. “Aalis na ako. Hinintay ko lang na matapos ka sa pasyente mo para makapagpaalam,” sabi nito. “Tuloy tayo sa Sabado.”

“Sige…”

KAMPANTE HABANG naglalakad pauwi si Gimo. Gaya ng dati, kailangan niyang dumaan sa magubat na bahagi ng lugar nila. Talaga namang may kalayuan ang kanilang bahay. Idagdag pang wala silang gaanong kapitbahay. Pero okay lang. Sanay naman siya sa malayuang paglalakad.

Nang nasa magubat na bahagi na siya ay naalala niya ang asawang bagong panganak. Sana pala ay dumaan siya sa talipapa para naibili man lang niya ng kahit anong meryenda ang asawa niya.

Pagtapat ni Gimo sa isang malaking puno ay nagulat na lang siya nang may biglang malaking bagay na nahulog at eksaktong bumagsak sa kanya. Kasunod noon ay nakita niya ang isang tila hayop na mukhang unggoy pero ang katawan ay parang sa baboy-ramo. Binalot ng hilakbot ang buo niyang pagkatao!

Bago pa siya nakasigaw ay dinaklot na siya ng halimaw at mabilis itong tumakbo habang dala-dala siya patungo sa mas madawag pang loob ng kagubatan. Ilang sandali lang ay malayo na sila sa sentro ng baryo. Huminto sa pagtakbo ang halimaw at ibinagsak sa lupa si Gimo.

Balot pa rin ng takot ang mukha ng lalaki. Hindi nito inalintana ang sakit ng pagkakabagsak. “Huwag! Maawa ka!” Hindi niya alam kung naiintindihan ba siya ng halimaw pero ano ba ang gagawin niya?

Yumuko ang halimaw na para bang dadamputin siya.

“HUWAG!!! HUWAAG!!! HUWAAAG!!!” Pumuno sa buong kagubatan ang sigaw ni Gimo nang sa halip na hawakan siya ay ibinaon ng halimaw ang mahahaba nitong mga kuko sa kanyang dibdib.

Pumulandit ang dugo mula sa dibdib ni Gimo. Kasunod niyon ay inararo ito ng mahahabang pangil ng halimaw na siya nitong ikinamatay. Nginasab nito ang dibdib ng biktima hanggang tuluyan itong mawakwak at lumabas ang mga lamang-loob. Mas winakwak pa ng halimaw ang katawan ng kanyang biktima hanggang sa bahaging tiyan nito. Walang awang pinagpiyestahan ng halimaw ang mga lamang loob ni Gimo. Nang magsawa ay mabilis itong tumakbo sa kung saan hanggang sa tuluyan na itong nawala.

Iniwan nitong walang lamang-loob ang bangkay ni Gimo!

Eighteen

WALA SA hinagap ni Wangga na ang pasyenteng kausap niya kanina lang ay nilapa na ng halimaw na nependiso. Kausap pa rin niya si Laarni habang hinihintay nilang mag-alas singko.

“Laarni, ’di ba ngayon babalik si kapitan mula sa seminar na dinaluhan niya?”

“Opo, doktora. Mamaya siguro bago dumilim nandito na si kapitan.”

Naalala ni Wangga, ganoong oras nga nang dumating siya sa baryo. Iyong oras na nag-aagaw ang dilim at liwanag. Oras ng paglubog ng araw.

“Bakit mo naitanong, doktora?”

“Naisip ko lang kasi, mukhang mas okay na kausap si Kapitan Celso kaysa kay Kagawad Dominador. Andami kasing ginagawa ni kagawad na dapat hindi ganoon ang ginawa niya. Lalo na ’yong mga desisyon niya sa mga biktima ng halimaw.”

“Napansin ko nga rin ’yun, doktora. Hindi ko lang talaga kayang kontrahin si kagawad. Baka ako pa ang pagdiskitahan.”

“MGA KABARANGAY! MAY BAGONG BIKTIMA NA NAMAN ANG HALIMAW!” Sigaw ng isang binata habang nagtatatakbo sa kalsada. Ang mga residente naman ay nagsidungawan sa bintana, ang iba pa ay lumabas sa kani-kanilang mga bahay.

“Ano raw ’yon?” Napatayo si Wangga at agad na lumabas sa health center.

“May biktima na naman raw ang halimaw? Iyon yata ang pagkakarinig ko.” Nagmamadali ring lumabas ng health center si Laarni.

Naglabasan na rin ang mga tanod na nasa barangay hall.

Pagtapat ng lalaki sa health center ay tinawag ito ni Wangga. “Kuya, anong nangyari?”

“Doktora, may biktima na naman ang halimaw. Nandoon sa gubat. Wakwak ang dibdib at tiyan. Kinain ang lamang-loob!”

Muntik nang maduwal si Wangga. Ibang halimaw nga ito. Ito rin ba ang halimaw na sumalakay kay Ashton?

“Kilala mo ba kung sino ang biktima?” tanong ni Laarni.

“Iyong asawa ni Aling Dolores!”

“Si Mang Gimo…” nanlalaki ang mga matang usal ni Laarni.

“Ha?” Gulat na napalingon si Wangga sa katabi.

“Doktora, si Mang Gimo ’yon.” Ang lakas ng kabog ng dibdib ng assistant ni Wangga. Kanina lang ay kausap nila ito. Sinong mag-iisip na ilang oras lang ay mamamatay ito sa kamay ng halimaw?

Naalala ni Wangga, Dolores nga ang pangalan ng asawa ni Mang Gimo. Pakiramdam niya ay bigla siyang pinagpawisan nang malamig. Hindi niya alam kung dahil ba sa kaba na bigla niyang naramdaman.

Binalingan ni Laarni ang mga tanod. “Nasaan si kagawad? Puntahan n’yo ’yong bangkay ni Gimo,” utos niya sa mga ito.

“Umalis si kagawad, Laarni. Pero sige, pupuntahan namin ang bangkay,” sagot ng hepe ng mga tanod, si Jorge.

“Saan kaya pumunta si kagawad? Kung kailan kailangan siya at saka naman siya nawawala,” reklamo ni Wangga. “Nagkakagulo na ang mga residente rito, siya naman hindi mo mahagilap.” Nahagip ng mata niya si Ka Nelia na nasa labas din ng kanilang bahay. Ewan kung naramdaman nito na nakatingin siya rito, bigla itong lumingon sa kinaroroonan niya at muli ay binigyan siya ng pailalim at nakakatakot na tingin.

“Pumasok na tayo sa loob, Laarni…” Hindi na niya ito hinintay na sumagot. Agad na siyang pumasok sa loob ng health center.

SI ASHTON ay nasa gitna na ng gubat. Nang marinig niyang may pinatay na naman ang halimaw ay agad siyang nagtungo sa gubat para makita ang pinakahuling biktima ng halimaw sa baryo. Sobra siyang nagulat nang makilala ang biktima. Kanina lang ay nasa health center ito at nagpakonsulta pa kay Wangga.

Napansin niya ang mga patak ng dugo mula sa bangkay ni Gimo papalayo sa katawan nito. Maaaring nagmula sa kamay o paa ng halimaw ang mga patak ng dugo. Sinundan niya ito pero nahirapan siyang tuntunin ang bawat bakas ng dugo dahil malalayo ang pagitan nito. Kung iisipin, posibleng ganoon kalaki ang bawat hakbang o pagtalon ng halimaw. Sa huli ay hindi na niya nakita pa ang ibang mga bakas ng dugo. Ang napansin lang niya ay napalayo na siya sa sentro ng baryo. At nasa paanan na siya ng kaparehong bundok na inakyat ni kagawad noong pumunta ito sa luma at malaking bahay.

Posible rin kaya na umakyat pa ng bundok ang halimaw? Doon ba ito naninirahan sa itaas ng bundok?

Nagpasya si Ashton na bumalik na lang sa baryo. Hindi na naman niya nalaman kung saan ang eksaktong pinagtataguan ng halimaw.

NANG GABING iyon ay nakita ni Ashton ang mga tanod na paikot-ikot sa buong baryo at nag-aabang sa posibleng muling pagsalakay ng nependiso. Gusto sana niyang sumama dahil gustong-gusto niyang makaharap ulit ang halimaw at patayin na ito nang tuluyan. Pero nang maisip niyang nasa ilalim ang mga ito ng pag-uutos ni Kagawad Dominador ay nagpasya siyang huwag na lang sumama sa ronda. Tutal naman ay may sarili silang plano nina Laarni at Wangga. Mas makakakilos silang tatlo sa sarili nilang diskarte.

Matutulog na si Wangga nang makarinig siya ng sunod-sunod na katok sa pinto. Nagmamadali siyang nagtungo sa pintuan pero hindi niya ito kaagad binuksan.

“Sino ’yan?” malakas ang boses na tanong niya.

Wala siyang narinig na sagot bagkus ay muling kumatok sa pinto ang kung sino mang nasa labas.

“Sabi ko, sino ’yan? Hindi ko bubuksan ang pinto hanggang hindi ka nagpapakilala,” sabi niya sa matigas na tinig. “Gabi na. Hindi ako nagpapapasok ng kahit na sino kapag gabi na at hindi naman emergency. Oras na para matulog.”

“Buksan mo ang pinto!” Narinig ni Wangga ang malalim na boses ng tao sa labas. Kung hindi siya nagkakamali, boses iyon ni Ka Nelia.

Lalo pang nagdalawang-isip si Wangga kung bubuksan ba niya ang pinto o hindi. Aaminin niya, kakaibang kilabot ang nararamdaman niya kapag kaharap ang matandang babae. Mas higit pa kapag nagsalita na ito.

“BUKSAN MO ANG PINTO!” Muling utos ng matandang babae. Mas malakas pa ang boses nito ngayon kaysa kanina.

Dahan-dahang binuksan ni Wangga ang pinto. Nang ganap na itong mabuksan ay nakita niya ang pamilyar na nakakatakot na tingin ni Ka Nelia.

“Bakit po—” Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil bigla siyang itinulak ng matanda.

“Pumasok ka sa loob!” Isinara ni Ka Nelia ang pinto at sinigurong naka-lock ito.

“Anong kailangan ninyo, Ka Nelia?” Pinilit niyang huwag ipahalata ang takot.

Tiningnan siya ng matandang babae mula ulo hanggang paa, pagkatapos ay tinitigan siya nito sa mata. “Matigas ang ulo mo! Ilang ulit na kitang sinabihan na umalis na sa baryong ito pero hindi mo ginawa. Anong hinihintay mo, ang maubos ang lahat ng residente sa baryong ito?” Bakit ba ganito ang boses ng matandang ito? Parang nanggagaling sa ilalim ng lupa.

“Ano po ba ang kasalanan ko? Hindi naman ako ang halimaw na pumapatay sa mga tagarito,” pangangatwiran niya. “Ako ba ang dahilan kung bakit sumasalakay ang halimaw?”

“UMALIS KA NA RITO! HUWAG MO NANG HINTAYING PATI IKAW AY MAGING BIKTIMA NG HALIMAW!”

Nineteen

“SAGUTIN MO ako. Ano ang alam mo tungkol sa halimaw? Ako ba ang dahilan kung bakit siya sumasalakay? Ako ba ang totoong pakay ng halimaw? Pero bakit? Anong kinalaman ko eh, kelan lang naman ako pumunta rito sa baryo n’yo?” Nawala na ang takot sa mukha ni Wangga at napalitan ng pagkainis.

“Mas makabubuti sa’yo kung hindi mo na malalaman ang mga sagot sa tanong mo. Basta sundin mo ang sinabi ko, umalis ka na rito sa lalong madaling panahon.” Hindi nagbabago ang malalim na boses nito at ang pagalit na tono.

“Hindi! Kung ayaw mong sagutin ang mga tanong ko, ako mismo ang tutuklas sa lihim na itinatago mo. Alam ko, nararamdaman ko na marami kang alam tungkol sa halimaw.” Nakipagtitigan siya kay Ka Nelia. “O baka naman ikaw ang halimaw na pumapatay sa mga tagarito?” Hindi niya inalis ang tingin sa mga mata ng ina ni Kapitan Celso.

Ilang saglit ding nakipagtitigan ito kay Wangga. Pero maya-maya pa ay biglang nagbawi ng tingin ang matandang babae. Walang sabi-sabing binuksan nito ang pintuan at iniwang nakatanga ang doktora.

Napabuga ng hangin si Wangga. Hindi siya makapaniwala sa inasal ni Ka Nelia. Napakaimposibleng kausap ng matandang iyon!

Hindi kaagad nakatulog si Wangga. Nawala ang antok niya dahil sa pagdating ng nanay ni Kapitan Celso. Naguguluhan siya sa sinabi nito. Hihintayin raw ba niyang maubos ang mga tagarito sa baryo? Ibig bang sabihin ni Ka Nelia na sumasalakay ang halimaw dahil sa kanya?

Bigla niyang naalala ang sinabi ni Laarni. Nag-umpisa lang bumalik ang halimaw mula nang dumating siya sa baryo. At sinabi rin ni Ashton na sa tagal nitong nag-aabang na lumabas ang halimaw, hindi ito nagparamdam kahit minsan. Noon lang araw na dumating siya sa Baryo San Joaquin.

Pero bakit? Bakit siya? Anong koneksyon ng pagdating niya sa baryo, sa pagsalakay muli ng halimaw? At mas nakapagtataka, dati ay arannik lang ang sumasalakay na halimaw. Pero ngayon, may nependiso pa. Ano pa ang kasunod? May lalabas pa bang ibang klase ng halimaw?

Naguguluhan na talaga siya!

Pakiramdam ni Wangga ay sasabog ang ulo niya sa pag-iisip kung bakit nasabi iyon ni Ka Nelia pero wala talaga siyang makitang koneksiyon niya sa mga halimaw na nambibiktima ng mga residente sa baryo.

Hindi na niya namalayan kung anong oras siya nakatulog. Basta nagising na lang siya sa tunog ng alarm sa cellphone niya. Alas-siete na ng umaga.

Bumangon na siya at naligo. Pagkatapos ay naghanda siya ng almusal. Nang matapos kumain ay inayos niya ang mga dapat ayusin sa health center. Alas-otso na. Bakit kaya wala pa si Laarni?

May mga pasyente nang naghihintay na masuri sila ni Wangga kaya isa-isa na niyang tinawag ang mga ito kahit wala pa rin ang kanyang assistant.

Alas-diyes na nang dumating sa health center si Laarni. Agad itong nagtungo kay Wangga.

“Doktora, pasensya na kung ngayon lang ako dumating. Nanggaling kasi ako sa barangay hall. May problema kasi.”

“Anong problema?”

“Hindi dumating si kapitan kagabi. Hindi siya nakauwi.”

“Baka naman hindi pa talaga uuwi. Baka may inaasikaso pang ibang bagay sa Maynila. Darating din iyon. Marunong namang umuwi rito si kapitan. Kung may masamang nangyari, dapat ipinalam na sa mga tagarito.”

“Wala namang signal ang cellphone dito. Sa kabisera lang may signal. Pinaluwas na sa kabisera ang isang kagawad. Pinatatawagan sa kanya ’yong organizer ng seminar para makumpirma kung naroon pa talaga si kapitan.”

“Nag-panic lang kayo siguro kaagad. Si Ka Nelia nga hindi naman naalarma. Nagpunta pa nga rito kagabi,” kaswal na kuwento ng doktora.

“Anong ginawa niya rito?”

“Ayun, pinaaalis na ako rito sa baryo. Parang isinisisi niya sa akin ang mga nagaganap na pagkamatay ng mga tagarito na nabiktima ng halimaw. Huwag ko na raw hintayin na ako naman ang maging biktima. Tinatanong ko naman siya kung bakit niya nasabi ang ganoon, ayaw naman niyang sabihin. Ayun, pinabayaan ko na lang,” nagkibit-balikat si Wangga. “Mamaya ulit tayo mag-usap. Papasukin mo na muna rito ’yung pasyente.”

“Okay po, doktora…” Lumabas na ng silid si Laarni at nagtungo sa reception area.

DALAWANG KALALAKIHAN ang nasa gubat nang mga oras na iyon para manguha ng kahoy na panggatong. Meron namang mabibili sa talipapa, pero bakit naman kailangan pang gumastos para sa panggatong eh, dito lang din naman sa gubat kinukuha ang mga kahoy na ibinebenta sa talipapa.

“Renante, doon tayo pumunta sa banda roon,” suhestiyon ni Caloy. “Mas maraming tuyong sanga ng mga puno roon.” Sa tagal nilang ginagawa ito, kabisado na nila kung saan mas makakakuha ng magagandang panggatong.

“Sige,” pagsang-ayon ni Renante na may dalang matalim na itak na pang-alis ng mga tuyong dahon at pangputol sa mga sanga.

Lumakad ang dalawang lalaki sa lugar na itinuro ni Caloy. Nauuna sa paglalakad si Renante. “Grabe ang nangyari kay Mang Gimo. Wakwak ang dibdib hanggang tiyan.”

“Dito ba nakita ’yung bangkay niya? Baka makasalubong natin ang halimaw, ah.” Bakas sa tinig ni Caloy ang pangamba.

“Hindi. Malayo rito ’yung lugar kung saan nakita ang bangkay ni Mang Gimo. Kaya wala tayong dapat ikatakot,” malakas ang loob na sabi ni Renante. Nagpatuloy lang ito sa paglalakad. Nakasunod naman sa kanya si Caloy.

Pagtapat nila sa isang malaking puno ay bigla na lang may bumagsak sa harapan ni Renante. Hindi agad siya nakakilos dahil sa matinding pagkagulat. Humahagok sa harapan niya ang isang napakalaking hayop na mukhang unggoy pero may pangil na tila sa isang baboy-ramo. Mahahaba ang mga kuko nito at ang paa ay katulad din ng sa isang baboy.

Si Caloy ay hindi rin agad nakakilos. Hindik na hindik ito sa halimaw na nasa harapan nila ngayon.

Unang nakabawi sa pagkagulat si Renante. Agad niyang itinaas ang kamay na may hawak na itak. Humanda siya para tagain ang humahagok na halimaw!

Ubod-lakas na hinataw ni Renante ng taga ang halimaw ngunit mas mabilis ang naging pagkilos nito kaysa sa kanya. Nilaslas ng matalas na kuko ng nependiso ang leeg ni Renante. Pumulandit ang masaganang dugo mula sa naputol na ugat sa leeg ng lalaki. Kasunod noon ay kinagat pa ng halimaw ang leeg ng kanyang biktima hanggang sa tuluyang mapugot ang ulo ni Renante at bumagsak sa lupa. Tila bulateng nangingisay ang walang ulong katawan ni Renante habang patuloy na umaagos ang dugo mula sa leeg nito. Biniyak ng matatalim na kuko ng halimaw ang tiyan ni Renante at inumpisahang kainin ang mga lamang-loob nito.

Binalot ng hilakbot ang buong katauhan ni Caloy. Kitang-kita niya kung paano pinatay ng halimaw si Renante. Wala siyang nagawa kundi ang sumigaw para humingi ng tulong. “Aaahhh!!! Saklolo! Tulungan n’yo kami! Nandito ang halimaw!”

Ang pagsigaw niya ang kumuha ng atensyon ng nependiso. Binitiwan nito ang katawan ni Renante at kumilos papalapit sa kanya.

Napaurong si Caloy sabay talikod para tumakbo. Hindi pa rin siya huminto sa pagsigaw. “Tulong!!! Tulungan n’yo kami!!!”

Hindi na hinayaan ng halimaw na makalayo pa si Caloy. Mabilis itong kumilos at agad na dinampot ang lalaki pagkatapos ay ubod lakas na inihagis sa isang malaking puno. Walang malay itong bumagsak sa lupa pagkatapos humampas sa puno ang ulo nito. Nilapitan ng nependiso si Caloy at katulad ng ginawa kay Renante ay winakwak ang tiyan at kinain ang mga lamang-loob. Punong-puno ng dugo ang bibig at kamay nito. Sa mukha ng halimaw ay makikita ang bangis habang hayok na hayok nitong nilalapa ang walang buhay na katawan ni Caloy!

Twenty

HUMAHAGOK NA tila nagwawalang baboy-ramo ang nependiso nang maubos nito ang lamang-loob ni Caloy. Binalikan nito ang katawan ni Renante at muling nilantakan ang natitirang lamang-loob ng lalaki. Nang magsawa ay mabilis itong tumakbo sa loob ng gubat at ilang saglit lang ay wala na ito.

Mabilis na narating ng halimaw ang luma at malaking bahay na minsang nang nakita ni Ashton na pinuntahan ni Kagawad Dominador. Umikot sa bandang likuran ng bahay ang halimaw at pumasok ito sa isang parang madilim na pasilyo. Agad na nilamon ng kadiliman ang nependiso.

“LAARNI…” Pinuntahan ni Wangga sa reception area ang kanyang assistant.

“Bakit po, doktora?”

“May balita na ba kay Kapitan Celso?” Nakabalik na ba ’yong taong pinapunta sa kabisera para tawagan ang organizer ng seminar na pinuntahan ni kapitan?“

“Wala pa, doktora. Hindi pa dumadating si Roger. Mamayang hapon pa siguro makakabalik ’yon dito,” may katiyakan ang sagot ni Laarni. Sa layo ba naman ng baryo nila sa kabisera, imposibleng makabalik agad ang taong inutusang magpunta roon.

“Sige, sabihan mo na lang ako kaagad kapag may balita na.”

Tumango ang babae kay Wangga. “Opo, doktora.”

Babalik na sana si Wangga sa kuwarto niya nang makita niya si Ka Nelia na nasa labas ng bahay nito. Bahagya siyang nagtago para hindi siya makita ng matanda pero siniguro naman niyang natatanaw pa rin niya ito. Maya-maya ay nakita naman niya si Kagawad Dominador na paparating at lumapit sa ina ni Kapitan Celso. Nang makalapit ang lalaki ay nag-usap sila ni Ka Nelia pero kung titingnan ay parang hindi kaswal na pag-uusap lang ang nangyayari. Tila ba nagtatalo si kagawad at ang matandang babae.

Hindi naman nagtagal ang pagtatalo ng dalawa. Agad ding iniwan ni Kagawad Dominador ang kausap at tuloy-tuloy na naglakad papuntang barangay hall.

Pero nakita ni Wangga ang isang umiiyak na babae na tumatakbo at hinahabol nito si Kagawad Dominador.

“Kagawad, si Renante at ang asawa kong si Caloy, natagpuang patay sa gubat!” Dinig na dinig ni Wangga ang paghihisterya ng babae. Napatayo pa nga si Laarni mula sa kinauupuan nito dahil malinaw rin nitong narinig ang hindi kagandahang balita. May bagong biktima na naman ang halimaw. At sa pagkakarinig nila, hindi lang isa kundi dalawa ang naging biktima nito.

Nagsidungawan sa bintana ang iba pang nakarinig sa masamang balita. Ang ilan ay lumabas pa nga ng kanilang bahay.

Nakita nilang bumalik sa barangay hall si kagawad at nang lumabas muli ay kasama na nito ang ilang tanod ng baryo. Sumama ang mga ito sa lugar na sinasabi ng babae kung saan nakita ang mga bagong biktima ng halimaw.

“Sino siya Laarni?”

“Doktora, si Anita ’yan. Asawa ni Caloy na karpintero dito sa baryo.”

“Hindi na mapigilan ang halimaw. Dumadami na ang napapatay nito. Paano natin mapipigilan ang halimaw na ’yan eh, hindi nga natin malaman kung saan tayo mag-uumpisa? Pati oras ng pagsalakay niya, paiba-iba. Mahihirapan talaga tayong hulihin o patayin ang halimaw na nependiso. Idagdag pa natin ang arannik. Hindi natin alam kung kelan muling mambibiktima ang arannik.”

“Sabado na bukas, doktora. Bukas natin pupuntahan ’yong bahay na sinasabi ni Ashton, ’di ba? Ano kaya ang meron doon?”

“Malalaman natin… bukas!”

NAUNA NANG makarating sa gubat ang ilang residente na nagnanais makiusyoso sa bagong biktima ng halimaw. Naroon din si Ashton at sobrang ikinagulat niya ang paraan ng pagkamatay ni Renante na napugot pa ang ulo. Habang tumatagal, mas nagiging brutal ang paraan ng pagpatay ng nependiso. Ganito rin ba sana ang mangyayari sa kanya kung hindi niya naligtasan ang pagsalakay sa kanya ng halimaw?

Pagdating nina Kagawad Dominador ay pinauwi na niya ang mga residenteng naroon. Pagkatapos ay inutusan niya ang mga tanod na ibalot ang mga bangkay at dalhin sa bahay ng pamilya ng mga ito.

Iyak nang iyak si Anita. Hindi niya akalain na ang pagsama ni Caloy sa pinsang si Renante para mangahoy sa gubat ay magiging dahilan para maging isa ito sa mga biktima ng halimaw na pumapatay sa mga taga-baryo. Sana ay hindi na lang niya pinayagang sumama sa gubat ang asawa niya.

“Nandito ka rin pala, Ashton.” Nagulat pa siya nang marinig ang boses ni kagawad sa likuran niya. Hindi niya inasahan na maaabutan siya nito sa paglalakad pabalik sa baryo.

“Kagawad, ikaw pala! Nakita ko kasi ang ibang residente na papunta rito. May bagong biktima raw kasi ang halimaw kaya napasugod na rin ako,” kaswal niyang tugon.

“Nakita mo naman siguro na inumpisahan na ng mga tanod ko ang pagroronda. Pero sa tingin ko, hindi iyon magiging epektibo dahil wala nang pinipiling oras ang halimaw. Dati, sa gabi lang ito sumasalakay. Ngayon, kahit tanghaling tapat umaatake na rin at naghahanap ng mabibiktima.”

“Sinabi ko na sa’yo, kagawad. Hindi arannik ang may gawa nito. Sa istilo pa lang ng pagpatay, ibang-iba na. Hindi kumakain ng lamang-loob ang arannik. Dugo lang ang kinukuha ng arannik sa mga biktima nito. Ibang klaseng halimaw ang pumapatay ngayon. Iyong halimaw na sumalakay sa akin, iyon ang pumatay kay Mang Gimo at sa dalawang lalaking iyon. At naipakita ko na sa’yo ang litrato ng halimaw, kagawad. Kaya dapat na tayong gumawa ng iba pang aksyon kung sa tingin mo ay hindi epektibo ang pagroronda.”

Hindi sumagot ang kagawad ng baryo. Napako ang tingin nito sa matandang babaeng mabilis na naglalakad patungo sa kanila. Si Ka Nelia.

“Gusto kitang makausap, kagawad!” agad na sabi ng matandang babae nang makalapit sa kanila.

“Ka Nelia, dapat hinintay mo na lang ako sa barangay hall. Babalik pa naman ako roon.” Tumingin si kagawad kay Ashton. “Mauna ka na, Ashton. Kakausapin daw ako ni Ka Nelia.”

“Sige, kagawad… Ka Nelia, mauuna na po ako.” Hindi sumagot ang matandang babae. Lumakad na siya at iniwan ang dalawa. Pero nasa isip niya ang tanong kung ano ang importanteng bagay na pag-uusapan ng mga ito at hindi na makapaghintay si Ka Nelia na makabalik sa barangay hall si kagawad.

“Ano ang kailangan mo sa akin, Ka Nelia? Nag-usap na tayo kanina, hindi ba?” Sa tono ng boses ni kagawad ay mababakas ang hindi maitagong inis.

“Bumalik na si Roger galing sa kabisera. Nakumpirma na niyang umuwi na kahapon ang anak ko. Bakit hindi siya nakarating sa bahay namin? Sagutin mo ang tanong ko!” Nanlilisik ang mga mata ng ina ni Kapitan Celso.

“Ano naman ang kinalaman ko sa hindi pag-uwi ni Kapitan Celso? Malay mo kung may dinaanan pa siya sa Maynila. O baka may inasikasong ibang bagay,” sagot ni kagawad habang nakatitig sa mata ng kausap.

“Alam mo kung ano ang pinupunto ko, Dominador. Huwag kang magmaang-maangan! Kilala kita!”

“Hindi ko alam ang sinasabi mo, Ka Nelia.”

“Alam mo, Dominador!” Dumagundong ang boses ng matandang babae. “Sumusunod ako sa usapan. Matagal na panahon na akong nananahimik. Pero oras na madamay ang anak ko, ibang usapan na ’yan.”

Twenty-one

“WALA NGA akong alam sa sinasabi mo! Ano ba ang iniisip mong ginawa ko sa anak mo? Kasalanan ko ba kung hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik dito? Malay ko ba kung saan-saan pa siya nagpunta.” Mataas ang tono ni Kagawad Dominador. Ang init ng panahon ay mas nagdagdag ng tensyon para uminit din kaagad ang kanyang ulo.

“Malalaman ko rin ang totoo. At binabalaan kita, Dominador… Alam mo kung ano ang puwede kong gawin,” nanlilisik ang mga matang banta ni Ka Nelia.

“Eh, ’di gawin mo!” Pakumpas-kumpas pa ang kamay ng kagawad. “Huwag mo akong tinatakot dahil alam mo rin na wala akong kinatatakutan.” Iyon lang at tinabig niya ang matandang babae at naglakad na papalayo rito. Naiwang mag-isa sa gubat si Ka Nelia. Subalit imbes na bumalik sa kanyang bahay ay naglakad ito patungo sa mas masukal pang bahagi ng gubat. Naglakad siya nang naglakad. Kung titingnan, parang hindi napapagod ang matandang babae. Hindi rin ito nagpapahinga. Tuloy-tuloy lang itong naglakad hanggang sa marating niya ang paanan ng bundok na dati na ring napuntahan ni Kagawad Dominador.

Inakyat ni Ka Nelia ang bundok, pagkatapos ay bumaba sa kabilang bahagi nito. Nang makababa sa bundok ay nagtungo ito sa bahaging nagsisilbing bukana ng kuwebang pinasukan din dati ni kagawad. At katulad ng dati, wala pa ring mag-aakala na ang parteng iyon na tila paanan lang ng bundok ay may daanan pala patungo sa isang nakatagong kuweba.

Pumasok sa kuweba si Ka Nelia at diretsong lumabas sa kabilang lagusan. Nakita niya ang luma at malaking bahay. Pinuntahan niya ito at nang marating ang gate ay pinindot nang sunod-sunod ang doorbell.

Ilang sandali lang ay bumukas ang pinto at tumambad kay Ka Nelia ang isang may edad na ring babae.

“Nelia! Anong ginagawa mo rito?” tanong ng matandang babae. Nagpalinga-linga ito sa paligid na tila tinitingnan kung may kasama ba si Ka Nelia.

“Lucing, gusto kong sagutin mo ang tanong ko,” walang prenong sabi niya. “Nandito ba si Celso? Nandito ba ang anak ko?”

“Ha? Ah, eh… wala siya rito, Nelia. Ano naman ang gagawin dito ng anak mo?” tila nababalisang sagot ni Lucing.

“Huwag mong pagtakpan ang anak mo! Malakas ang kutob kong narito si Celso. Dinukot siya ni Dominador at dinala rito, tama?”

“Hindi ko alam ang sinasabi mo, Nelia. Bakit naman dudukutin ni Dominador si Celso? At bakit niya dadalhin dito?”

“Alam mo ang sagot diyan, Lucing. Papasukin mo ako. Kung talagang sinasabi mong wala diyan ang anak ko, hayaan mong pumasok ako at maghanap.”

“Hindi maaari, Nelia. Pakiusap, umalis ka na. Wala rito ang anak mo.” Bago pa nakasagot si Ka Nelia ay mabilis na isinara ni Lucing ang gate.

Kinalampag ito ni Ka Nelia. “Buksan mo ’to, Lucing! Ilabas mo ang anak ko! Hindi ako aalis dito nang hindi ko kasama si Celso!” Patuloy siya sa pagkalampag sa gate ng malaking bahay hanggang siya na rin ang kusang huminto dahil sa matinding pagod at sakit ng kanyang kamay. Nasa ganoon siyang sitwasyon nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Napatakbo siya papunta sa bukana ng kuweba at mabilis na pumasok sa loob. Dito na muna siya hanggang sa huminto ang malakas na buhos ng ulan. Ngunit sa malas ay mukhang hindi ito kaagad hihinto. Malamang na abutin na siya ng gabi dito sa kuweba. At kung itotodo ang kamalasan, baka bukas na siya makauwi sa kanilang bahay.

“ANG LAKAS ng ulan,” sabi ni Ashton na nakatanaw pa sa labas ng health center. Dito siya tumuloy kanina pagkatapos niyang iwanan sa gubat sina Kagawad Dominador at Ka Nelia para mapag-usapan nilang mabuti ang gagawing pagpunta sa malaking bahay bukas. “Kapag hindi agad ’yan huminto, siguradong maputik ang daan sa gubat bukas. Mahihirapan tayong umakyat ng bundok.”

“Kailangan na nating ituloy ang plano. Hindi na natin ito puwedeng ipagpaliban pa,” deklara ni Wangga. Nakaupo siya sa silyang inuupuan ng mga pasyente sa reception area habang si Laarni naman ay nagliligpit ng patients record sa maliit na kabinet sa isang sulok ng reception area.

“Sang-ayon ako,” sagot ni Ashton. “Kailangan na nating kumilos kaagad para malaman na natin kung tama ba ang ating mga hinala.”

“Kung ano man ang maging desisyon n’yo, sasang-ayon lang ako. Pero sasabihin ko sa inyo, Ashton… doktora, kinakabahan talaga ako sa gagawin natin.” Si Laarni ay puno pa rin ng takot ang dibdib. “Sa gubat madalas sumasalakay ang nependiso. Tapos maglalakad tayo sa gubat… Eh, ’di parang ipinapain natin ang mga sarili natin sa halimaw. Sana lang ay walang masamang mangyari sa ating tatlo. Hindi naman ako takot mamatay. Pero napakabrutal namang kamatayan ’yong maging pagkain ng nependiso ang ating lamang-loob. Kung arannik naman ang makasalubong natin, dugo naman natin ang uubusin ng halimaw na ’yon.”

“Hindi naman lumalabas sa umaga ang arannik,” argumento ni Wangga. “Takot sa araw o sa kahit anong liwanag ang arannik.”

“Pero walang garantiya na hindi tayo aabutin ng gabi, doktora.”

“May punto ka. We should consider all possible troubles that might occur habang nandoon tayo.”

“Tama… Kahit gaano tayo kaingat, hindi natin maiiwasan ang magkamali. Kaya dapat lang na paghandaan natin ang lahat ng puwedeng mangyari.” Si Ashton.

Nagkatinginan silang tatlo na para bang pinag-uusap ang kanilang mga mata. Maya-maya’y muling nagsalita si Ashton. “Pero nasaan na nga kaya ang arannik? Mula nang lumitaw ang nependiso, parang bulang hindi na nagparamdam ang arannik. Lahat ng mga biktima nitong mga nakaraang araw ay puro biktima na ng nependiso. Kailangang matuklasan din natin kung ano na ang nangyari sa arannik. Dalawang halimaw ang hinahanap natin. Hindi tayo mapapanatag kung isang halimaw lang ang mapapatay natin.”

“Pero paano natin lalabanan ang mga halimaw?” tanong ni Laarni.

“Malalaman mo bukas, Laarni. Huwag kang matakot. Pinaghandaan ko ang labang ito,” buo ang loob na sagot ni Ashton.

Ang ulan ay lalo pang lumakas. Sumapit na ang gabi pero hindi pa rin nakakauwi sina Ashton at Laarni. Minabuti ni Wangga na doon na lang magpalipas ng gabi sa health center ang dalawa.

Hindi na rin nakaalis sa kuweba si Ka Nelia. Tiniis nito ang lamig ng gabi sa napakadilim na kuwebang iyon.

Twenty-two

ALAS-SINGKO pa lang ng umaga nang magpaalam kay Wangga sina Laarni at Ashton para umuwi muna.

“Saan tayo magkikita-kita?” tanong ni Laarni?

“Doon na lang sa tinitirhan ko,” mabilis na sagot ni Ashton. “Kung puwede sana, lumakad na tayo bago mag-alas siyete ng umaga para wala pang masyadong tao sa paligid.”

“Sang-ayon ako,” sabi ni Wangga.

“Sige, pupunta kaagad ako sa tinitirhan mo, Ashton. Kukunin ko lang sa bahay ang gamit ko at magpapaalam rin ako kay nanay.” Kahit kinakabahan sa kanilang gagawin ay buo pa rin ang loob ni Laarni para sumama sa gagawin nilang pagtuklas sa misteryo ng pumapatay na halimaw.

“Lumakad na kayo bago pa lumiwanag ang paligid. Bilisan n’yo na.” Itinaboy na ni Wangga ang dalawang kasama.

Pagkaalis nina Laarni at Ashton ay agad ding nag-empake si Wangga. Naglagay siya ng ilang piraso ng damit sa bag. Nilagay din niya roon ang kanyang cellphone na siniguro niyang fully-charged ang baterya. Ilang de lata rin ang isinilid niya sa bag para may makain sila sakali mang abutin sila ng gutom kung saang lugar man sila dalhin ng kanilang mga paa. Hindi niya kinalimutang magbaon din ng tubig. Nagdala rin siya ng medicine kit. Handa siya sa mga ganitong uri ng aktibidad. Naalala niya, kasali siya sa isang mountain climbing group noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. At kahit nga noong nag-aaral na siya ng medisina ay nagagawa pa rin niyang sumama sa ilang pag-akyat ng bundok ng kanyang mga kagrupo.

Pagdating sa bahay na kanyang tinitirhan ay kaagad inihanda ni Ashton ang mga kailangan niyang dalhin sa gubat. Binuksan niya ang isang drawer na nasa kanyang silid at tumambad ang tatlong baril at mga espesyal na balang sadya pa niyang ginawa sa kanyang kompanya para gamitin sa misyon niyang ito. Sa ilang pagkakataong lumuwas siya ng Maynila ay ang paggawa ng mga balang ito ang kanyang tinututukan at inaasikaso. Gusto niyang masiguro na mapapatay niya ang halimaw mabigyan lang siya ng tsansa na makaharap ito. Sayang nga lamang at nang minsang makaharap niya ito ay naunahan siya ng halimaw. Idagdag pang hindi siya makakilos nang maayos dahil sa kadiliman ng paligid nang mga oras na iyon. Pero sa susunod na magkrus muli ang landas nila ng halimaw, hindi niya ito lulubayan hanggang hindi ito namamatay.

Binuksan niya ang isa pang drawer kung saan naroon naman ang mga pinasadya niyang granada na kayang gutayin maging ang pinakamakunat at pinakamakapal na balat ng halimaw. Nagamit niya nang husto ang kaalaman niya sa mga kemikal para sa misyong ito. Nakatulong din sa kanya ang kanyang negosyo para madali niyang maibiyahe ang mga baril, bala at granada nang hindi nasisita ng mga awtoridad. Sa dami ng mga inihanda niyang sandata para patayin ang halimaw, kahit sampung halimaw pa ang humarang sa kanila ay kayang-kaya nilang sagupain.

Bago mag-alas-siyete ng umaga ay naroon na sina Wangga at Laarni sa bahay ni Ashton. Bago sila lumakad ay nag-usap muna silang tatlo.

“Pupunta tayo sa gubat. Hahalughugin natin ang kagubatan para hanapin kung saan nagtatago o naninirahan ang halimaw. Maglalakad tayo hanggang doon sa malaking bahay na pinuntahan dati ni Kagawad Dominador. Nararamdaman kong may kakaiba sa bahay na iyon kaya kung hindi natin makaengkuwentro ang halimaw sa gubat, susubukan nating makapasok sa malaking bahay na iyon.” Pinag-aralan nang mabuti ni Ashton kung ano ang kanilang gagawin.

“Paano kung salakayin niya tayo habang hinahanap natin ang halimaw sa gubat?” tanong ni Laarni.

“Hindi tayo pupunta sa giyera nang walang armas.” Inilabas ni Ashton ang dalawang baril at binigyan ng tig-isa sina Wangga at Laarni.

“Hindi ako marunong gumamit nito,” kinakabahang sabi ni Laarni. Paano ko papuputukin ito?“

“Kapag nalagay sa panganib ang buhay mo, matututunan mo ang tamang paggamit niyan,” seryosong pahayag ni Ashton. “Eto pa ang mga bala na magagamit n’yo kapag naubos na ang balang nariyan sa baril. Espesyal ang mga balang ito na kayang tumagos sa pinakamakunat o pinakamakapal mang balat ng halimaw. At sa oras na makapasok sa katawan niya ang balang ito, sasabog pa ulit ito sa loob ng kanyang katawan.” Binigyan din niya ng mga bala ang dalawang babae.

Napanganga si Wangga. Hindi niya inasahan na ganoon kahanda si Ashton sa gagawing pakikipaglaban sa halimaw.

Inilagay niya ang mga bala at baril sa kanyang bag. Ganoon din ang ginawa ni Laarni.

“Eto pa ang magagamit natin para pasabugin ang halimaw.” Ipinakita niya kina Laarni at Wangga ang mga granada. “Sa pamamagitan ng mga ito, hindi natin kakailanganing lumapit sa halimaw o hayaang malapitan tayo ng halimaw. Kagatin n’yo lang ang pin ng granada para matanggal ito at saka n’yo ihagis sa kinaroroonan ng halimaw.” Binigyan din niya ng mga granada ang mga kasama. “Pagpunta natin sa gubat, hindi natin alam kung saang banda siya lilitaw at sasalakay. Kaya hindi puwedeng kampante lang tayo. Kailangang lagi tayong handa.”

“Lumakad na tayo,” yaya ni Wangga sa dalawa.“

Kinuha nila ang kani-kanilang mga bag. Pinakamalaki ang bag ni Ashton. Dinala rin niya ang matalas na itak na ginagamit niya sa pangangahoy at nagsimula na silang maglakad para hanapin ang halimaw sa gubat.

Mabigat ang bag na dala ni Ashton pero balewala lang iyon sa kanya. Ang nasa isip niya ay ang misyong hanapin ang halimaw na tumangay sa kanyang kapatid.

Nauuna siya sa paglalakad. Kasunod niya si Wangga at nasa likuran naman nito si Laarni. Paminsan-minsan ay lumilingon sa likuran ang doktora para matiyak na kasunod pa rin niya ang kanyang assistant.

Medyo malayo na rin ang kanilang nalalakad nang makaramdam ng pagod si Laarni. “Puwede bang magpahinga tayo kahit sandali lang?” Huminto sa paglalakad sina Ashton at Wangga para makapagpahinga sila.

Binuksan ni Laarni ang kanyang bag at kinuha ang isang boteng may lamang tubig at uminom. “Tubig, doktora… Ashton,” alok niya sa mga kasama.

Tumango si Wangga. “Salamat. Mayroon ako rito.”

“May dala rin ako,” sabi rin ni Ashton.

Nang makapagpahinga ay nagpatuloy sila sa paglalakad. Gaya kanina, nauuna pa rin si Ashton, kasunod si Wangga at nasa hulihan naman si Laarni. Nagulat na lang ang dalawang nauuna sa malakas na tili ni Laarni. Nang lingunin nila ito ay nakita nila ang ahas na nakasabit sa balikat nito na nahulog mula sa isang puno.

Halos himatayin sa matinding nerbiyos si Laarni. Hindi siya makakilos sa takot na baka tuklawin siya ng ahas na mukhang naging balisa dahil sa kanyang malakas na tili.

Mabilis na kumilos si Ashton. Maagap nitong dinampot sa may parteng buntot ang ahas at ipinaikot-ikot sa ere ng paulit-ulit hanggang sa kumalma ito. Pagkatapos ay buong lakas na inihagis niya ito sa malayo sa dadaanan nila. At saka lamang napanatag ang loob ni Laarni kahit na nanginginig pa rin ito sa takot.

“Sabay na lang tayo,” mungkahi ni Wangga. “Para nakikita kita.”

“Pasensya na kayo sa akin. Natakot lang talaga ako sa ahas.”

“Ahas lang ’yon. Napakaliit noon kumpara sa hinahanap nating halimaw. Mas nakakatakot ang puwedeng gawin sa atin ng mga halimaw kaysa sa kagat ng ahas.”

“Nakamamatay rin ang kagat ng ahas, Ashton,” protesta ni Laarni.

“May dala akong gamot para sa kagat ng ahas,” sabi naman ni Wangga.

Napangiti si Ashton. “Kitam, hindi tayo mapapahamak. May kasama tayong doktor.”

Nagpatuloy na silang tatlo sa paglalakad. Wala na silang nasalubong na ahas sa daan. Malayo na ang nalalakad nila ngunit hindi pa rin nagpaparamdam ang halimaw.

Patalastas Lang

Hello!

Ang dalawang published books ko po ay available pa rin. Kung gusto n’yo pong bumili, send lang po kayo ng message sa akin.

Two Daddies - P320 plus shipping fee.

Secrets of the Night - P320 plus shipping fee.

Kung dalawa po ang bibilhin ninyo, you can get the book for P310 each plus isang shipping fee na lang.

Eto po sa ibaba iyong picture ng mga libro.

Thanks!

Twenty-three

MAAGA RING umalis sa kuweba si Ka Nelia. Kailangang makabalik siya kaagad sa baryo at patuloy na manmanan ang bawat kilos ni Kagawad Dominador. Napakalakas talaga ng pakiramdam niya na may kinalaman ang kagawad sa hindi pag-uwi ng anak niya. Kapag nakumpirma niya ang kanyang mga hinala, sisiguruhin niyang ilalabas nito ang kanyang anak. Kung kinakailangang gumamit siya ng dahas at ilabas ang lahat ng kanyang nalalaman ay gagawin niya, ibalik lang nito si kapitan sa baryo.

Nahirapan siya sa pag-akyat ng bundok. Ngunit desidido siyang makarating agad sa baryo. Isang maling hakbang ang nagawa ni Ka Nelia. Nadulas siya at tuluy-tuloy na gumulong pababa ng bundok. Sumabit ang katawan niya sa isang nakatumbang puno pero nabagok naman ang ulo niya sa isang malaking sanga nito na naging dahilan para mawalan siya ng malay.


“PAKAWALAN N’YO ako rito!” sigaw ni Kapitan Celso. Ilang araw na rin siyang narito sa madilim na lugar na ito. Para itong basement ng isang bahay na hindi niya alam kung kanino. Bago siya napunta rito, ang huling alaala sa isip niya ay noong pauwi na siya sa kanilang bahay pagkatapos niyang tumawid sa ilog. Nagulat pa siya nang makita sa kabilang pampang si Kagawad Dominador.

Kagawad

,

bakit

ka

naririto

?“

salubong

niyang

tanong

sa

konsehal

ng

baryo

.

Sinadya

kong

salubungin

ka

,

Kapitan

Celso

.

Baka

kako

may

dala

kang

mabigat

na

bagahe

,

mabuti

na

yong

may

makakatulong

ka

sa

pagbubuhat

.“

Kinuha

nito

kay

Kapitan

Celso

ang

isang

bag

na

dala

nito

.

Larawan

ng

kainosentihan

ang

mukha

ni

kagawad

.

Sino

ang

mag-iisip

na

may

iba

pala

siyan

g

binabalak

?

Maraming

salamat

,

kagawad

.

Kumusta

naman

sa

baryo

?“

Napakaraming

nangyari

habang

nasa

Maynila

ka

,

kapitan

.

Pero

huwag

kang

mag-alala

dahil

hindi

mo

na

poproblemahin

ang

mga iyon.“

Ngumisi

pa

si

kagawad

.

Alam

ko

namang

maasahan

ka

.

Panatag

akong

maayos

ang

lagay

ng

baryo

basta

ikaw

ang

naroon

upang

mamuno

.“

Naglakad

na

sila

papunta

ng

baryo

.

Pero

nauna

siya

.

Si

kagawad

ay

nakasunod

lang

sa

kanya

at

dala

nito

ang

isang

bag

niya

.

Tiwala

lang

sa

paglalakad

si

Kapitan

Celso

.

Wala

siyang

kamalay-malay

sa

pinaplano

ng

kagawad

.

Isang

heringgilya

ang

dinukot

ni

Kagawad

Dominador

mula

sa

bulsa

ng

kanyang

pantalon

at

walang

ingay

na

ibinaon

niya

ito

sa

batok

ni

Kapitan

Celso

.

Bago

pa

nakapagsalita

ang

kapitan

ay

nabuwal

na

siya

at

nawalan

ng

malay

.

Mula

sa

damuhan

ay

lumabas

ang

dalawang

lalaki

.

Cleto

!

Simon

!

Kayong

dalawa

na

ang

bahala

sa

kanya

.

Alam

n’yo

na

kung

saan

siya

dadalhin

.“

Opo

Nakahanda

na

ang

paglalagyan

namin

sa

kanya

.

Naglakad

na

pabalik

ng

baryo

si

kagawad

.

Ang

dalawang

lalaki

naman

ay

maingat

na

inilagay

sa

isang

duyan

si

Kapitan

Celso

at

pagkatapos

ay

magkatulong

nilang

binuhat

ito

patungo

sa

lugar

na

ibinilin

sa

kanila

ni

Kagawad

Dominador

.

“Pakawalan n’yo ako rito! Pakawalan n’yo ako!” Pakiramdam niya ay wala namang nakaririnig sa sigaw niya. Tingin niya ay nasa isang tagong lugar siya. Madilim ang paligid at tanging ang liwanag mula sa isang maliit na bumbilya ang nagsisilbing tanglaw sa buong paligid. Sinubukan niyang magpumiglas pero alam niyang hindi sapat ang kanyang lakas para matanggal niya ang kadenang nakagapos sa kanyang mga kamay at paa.

“Huwag ka nang sumigaw. Walang makakarinig sa’yo rito.” Narinig niya ang boses ng isang matandang babae at nagulat siya nang makilala kung sino iyon.

“Aling Lucing! Anong ginagawa n’yo rito? Hindi ba nasa America kayo?” buong pagtatakang tanong ni Kapitan Celso. Sa ilang araw ng pagkakakulong niya sa lugar na ito, ngayon lang niya nakita rito ang matandang babae. Tanging isang lalaki lang ang lumalapit sa kanya para pakainin siya. Bakit naririto si Aling Lucing? Kilala niya ito. Kilalang-kilala. Bakit hindi eh, ina ito ni Kagawad Dominador?

Naalala niya! Si Kagawad Dominador ang may kagagawan kung bakit siya napunta rito. May itinusok ito sa batok niya at pagkatapos ay hindi na niya alam ang nangyari. Nagising na lang siyang naririto at nakagapos na.

“Bakit ako naririto? Anong kailangan n’yo sa akin? Anong kailangan sa akin ng anak mo?”

Hindi sumagot si Aling Lucing. Tahimik nitong iniwanan si Kapitan Celso.

“Aling Lucing! Pakawalan mo ako rito! Parang awa mo na… Pakawalan mo ako!” Walang tigil siyang nagsisigaw pero ang lahat ay hindi pinakinggan ng ina ni Kagawad Dominador.


PATULOY SA paglalakad sina Wangga, Ashton at Laarni. Inaakyat na nila ang nadaanang bundok. Wala pa rin silang nasasalubong na halimaw. Kahit katiting na paramdam mula sa nependiso ay wala silang naramdaman. Ni anino nito ay hindi nila nakita. Pawisan na silang tatlo. Si Laarni ay halos hindi na makaagapay sa paglalakad. Madulas ang daan paakyat ng bundok dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan kagabi. Mas nahirapan sila sa pag-akyat ng bundok dahil sa mabibigat nilang dala-dala.

“Gusto n’yo bang magpahinga muna?” tanong ni Ashton sa dalawang kasama.

“Oo, magpahinga muna tayo.” Hindi itinago ni Laarni ang nadaramang pagod.

Kumuha ng baong tubig si Wangga at uminom. Ganoon din ang ginawa nina Ashton at Laarni. Naupo pa nga ang huli sa damuhan dahil sa matinding pagod.

“Malayo pa ba tayo, Ashton?” tanong ng doktora. “Parang napakalayo na natin sa baryo.”

“Mukha ngang hindi na ito sakop ng Baryo San Joaquin, doktora. Ngayon lang ako nakarating dito. Kahit ang mga taga-baryo ay hindi gumagawi rito,” sabi naman ni Laarni habang palinga-linga sa paligid.

“Malapit na tayo. Pagdating natin sa tuktok ng bundok, bababa lang tayo at makikita na natin ang bukana ng kuweba,” sagot ni Ashton. “Ano, akyat na ulit tayo?”

“Sige,” pagsang-ayon ni Wangga.

Tumayo na si Laarni at muling ibinalik sa bag ang baon niyang tubig.

Nagpatuloy sila sa pag-akyat ng bundok hanggang sa marating nila ang tuktok nito. Saglit silang sumagap ng sariwang hangin doon bago nila tinunton ang daan pababa sa kabilang bahagi nito. Hindi pa man sila nagtatagal sa pagbaba ng bundok ay napansin ni Ashton ang isang katawan ng tao na nakahandusay sa tabi ng isang nabuwal na puno. Mas binilisan niya ang paglalakad.

“Tao ’yon, ah! May tao doon sa bandang ibaba, nakikita n’yo ba, doktora?” tili ni Laarni.

“O, nakikita ko,” sagot niya. “Ashton! Bilisan mo, tingnan mo kung sino ’yan!”

Gulat at pagtataka ang bumakas sa mukha ni Ashton nang makilala ang walang malay na matanda. May sariwang sugat ito sa bandang noo. “Si Ka Nelia ’to! Anong ginagawa niya rito?” Agad niyang binuhat ang matandang babae at inihiga nang maayos sa damuhan.

Napabilis ang pagbaba nina Wangga at Laarni. Maging sila ay hindi makapaniwalang si Ka Nelia nga ang babaeng walang malay sa bahaging iyon ng gubat.

“May sugat siya. Kailangang gamutin ang sugat niya sa noo.”

“May dala akong gamot,” mabilis na sagot ni Wangga at agad na binuksan ang dalang bag para kunin ang dala niyang medicine kit.

“Bakit narito si Ka Nelia?” naguguluhang tanong ni Laarni. “Siya ba ang halimaw?”

“Baka dinukot siya kagabi ng halimaw at iniwan dito,” teyorya naman ni Wangga. Inumpisahan niyang gamutin ang sugat sa noo ni Ka Nelia. “Pero imposible. Malapit lang sa health center ang bahay ni Ka Nelia at wala naman tayong narinig na komosyon kagabi. Kahit malakas ang ulan, imposibleng hindi natin maramdaman kung may kaguluhan sa bahay nila.” Siya na rin mismo ang kumontra sa kanyang teyorya kanina.“

“Hindi natin puwedeng iwanan dito si Ka Nelia,” deklara ni Ashton.

“Paano tayo makakaalis dito ngayon?” Nag-aalala na si Laarni.

“Huwag kayong mag-alala. Ilang sandali lang ay magkakamalay na si Ka Nelia. Pagkatapos gamutin ang sugat nito sa noo ay isang klase ng gamot ang inilagay ni Wangga sa bulak at ipinaamoy sa matandang babae. Paulit-ulit niya itong inilapit sa ilong nito hanggang pumiksi ito at umungol.

“Nagkakamalay na siya!” Hindi maitago ni Laarni ang emosyon.

Nagmulat ng mata si Ka Nelia. Sa una’y malabo ang imaheng nakikita niya hanggang sa makilala niya ang mga taong nakatunghay sa kanya. Biglang napabangon ang matanda. “Bakit kayo naririto? Anong ginagawa n’yo rito?”

Emote Lang

First time kong magsulat ng Mystery/Thriller ang genre. Akala ko nga, hindi ko na maitutuloy sulatin ito kasi after first and second chapters, matagal bago ko nasundan dahil nakalimutan ko na kung ano ang isusulat ko. Mabuti na lang na pagkatapos kong maisulat ang chapter 3, bumalik na sa utak ko kung paano tatakbo ang kuwento.

Masaya ako na nagustuhan ng maraming readers ang kuwentong ito. In fact, maraming readers ang nadagdag sa akin at nag-follow na rin dahil dito. Kaya sobrang thankful ako sa suportang ibinibigay ninyo sa story ko. Maraming salamat po sa inyong lahat.

Kaya ngayon, mas na-inspire pa akong gawin ang kuwentong ito at promise ko po na matatapos ko ito bago matapos ang August 2017. Kaya, huwag po kayong mainip sa update dahil darating din po tayo doon.

At dahil super excited na rin ako sa kuwentong ito, gusto ko itong maging totoong libro at magkaroon ako ng personal copy. Kaya plano kong iself-publish ito kapag natapos ko nang isulat dito sa Wattpad.

Kung may readers na bibili ng self-published book ng Ang Halimaw sa Baryo San Joaquin, mas masaya. Kung wala naman, masaya pa rin. Basta, ipa-publish ko pa rin para may book copy ako.

’Yun lang po, salamat talaga sa suporta ninyo sa story ko.

Happy reading!!!

Update!!!

Hindi ko na po ise-self publish ito dahil na-approve na po ng VRJ Books Publishing ang istoryang ito at ire-release na sa lahat ng National Bookstore branches nationwide ngayong 2019.

Babalitaan ko po kayo kapag alam ko na ang exact date.

Maraming salamat!

Twenty-four

GULAT NA gulat si Ka Nelia nang makita sa harapan niya sina Wangga, Laarni at Ashton. “Anong ginagawa n’yo rito?” Malalim pa rin ang timbre ng kanyang tinig. Sinubukan niyang bumangon at saka niya naramdamam ang kirot na dala ng sugat niya sa noo.

“May sugat po kayo, Ka Nelia. Nauntog siguro kayo diyan sa nakatumbang puno,” pagbibigay impormasyon ni Wangga. “Pero huwag po kayong mag-alala, ginamot ko na ang sugat mo.”

Tumingin sa kanya nang pailalim ang matandang babae. Napansin iyon ni Ashton.

“May problema po ba, Ka Nelia?” tanong ni Ashton.

“Anong ginagawa n’yong tatlo rito?”

“Hindi po ba kami ang dapat magtanong sa’yo niyan?” Sinalubong ni Wangga ang tingin ng matandang babae.

“Oo nga po, Ka Nelia. Bakit ka naririto?” Si Laarni ay hindi na rin napigilang magtanong.

Naging mailap ang mga mata ng matandang babae. Ang isip nito ay mabilis na tumatakbo at naghahanap ng maisasagot sa tanong ng doktora.

“Ka Nelia? Ano po ang ginagawa n’yo rito?” muling tanong ni Wangga.

“H-hindi ko alam. Basta paggising ko kaninang umaga ay naririto na ako sa gubat,” palusot ng ina ni Kapitan Celso.

“Hindi ako naniniwala,” matigas na sabi ni Ashton. “Imposible po ang sinasabi mo. Paanong bigla ka na lang mapupunta rito sa gubat nang hindi mo nalalaman?”

Wala na namang maisagot si Ka Nelia. Kailangan na ba niyang magsabi ng totoo?

Isa-isa niyang tiningnan ang tatlong kabaryong nasa kanyang harapan. Nagdadalawang-isip pa rin siya kung sasabihin ba niya ang lahat ng kanyang nalalaman.

“Ka Nelia, sabihin n’yo sa amin ang totoo. Baka matulungan namin kayo. Magtulungan tayo,” pangungumbinsi rito ni Ashton. “May kinalaman ba kay Kagawad Dominador ang pagpunta n’yo rito?”

Nakaawang ang labing napatingin si Ka Nelia sa lalaki. “Ano ang alam mo? Bakit mo isinali si kagawad dito?”

“Nag-usap kayo kahapon, ’di ba? Sinalubong n’yo pa nga kami ni kagawad. At nag-usap kayo. Hindi ko alam ang pinag-usapan n’yo dahil pinauna na akong umuwi ni kagawad. Pero malakas ang kutob kong may kinalaman ang pinag-usapan n’yo kung bakit ka naririto ngayon. Tama ba ako, Ka Nelia?”

HIndi nakasagot ang matandang babae. At bago pa siya muling nakapagsalita ay nakarinig sila ng isang malakas na atungal na tila nagmumula sa isang baboy-ramo.

“Ang nependiso! Nasa paligid lang ang nependiso!” takot na sigaw ni Laarni.

“Kunin n’yo ang mga baril n’yo. Kailangang handa tayo sa anumang oras na sumugod ang halimaw,” utos ni Ashton sa dalawang babae.

Mabilis na kumilos sina Wangga at Laarni. Kinuha nila sa kanilang bag ang baril na ibinigay sa kanila ni Ashton.

“Dito tayo, bilis!” Nagtungo si Ashton sa isang madamong bahagi ng gubat para makapagtago. Mabilis namang nakasunod sa kanya ang tatlong babae.

“Anong gagawin n’yo? tanong ni Ka Nelia. Mas malakas na ang atungal ng naririnig nila. Papalapit na sa kinaroroonan nila ang halimaw.

“Humanda kayo. Sisiguruhin nating mamamatay ngayon ang halimaw na namiminsala sa baryo San Joaquin.” Bakas sa mukha ni Ashton ang matinding pagnanais na tapusin ang buhay ng nependiso.

Pigil ang hininga nila habang hinihintay na lumabas ang nependiso. Papalakas nang papalakas ang atungal nito. Halos mapatili si Laarni nang sa wakas ay makita nila ang halimaw. Mga ilang metro lang ang layo nito mula sa pinagtataguan nila. Si Wangga ay hindi makapaniwala sa halimaw na nasa harapan nila ngayon. Alam niyang kaunting pagkakamali lang nila ay lalapain sila nang buhay ng halimaw na ito.

Inasinta ni Ashton ang nependiso. Nang masigurong maayos na ang pagkakaasinta ay humanda siya para kalabitin ang gatilyo. Pero hindi niya inaasahan ang ginawa ni Ka Nelia.

“Huwaaag!” Tinabig niya ang kamay ni Ashton kaya ang balang dapat sana ay tatama sa katawan ng halimaw ay pumailanlang sa ere.

Nabulabog ang halimaw at agad na kumilos papalapit sa kanila!

Napatakbo si Laarni at Wangga at dahil sa madulas at maputik na daan ay nawalan sila nang panimbang at tuloy-tuloy na nagpagulong-gulong pababa ng bundok. Nabitiwan ni Laarni ang kanyang baril. Siniguro naman ni Wangga na mahigpit ang pagkakahawak niya sa kanyang sandata.

“Wangga! Laarni!” Hindi malaman ni Ashton kung alin ang uunahin. Gusto man niyang tulungan ang dalawang kasama ay hindi niya magawa dahil heto na ang halimaw na handa siyang lapain.

Muli niya itong inasinta ngunit hindi binitiwan ni Ka Nelia ang kanyang braso. “Ka Nelia, bitiwan n’yo ako! Pareho tayong mapapatay ng halimaw dahil sa ginagawa mo!”

“Huwag! Huwag mo siyang papatayin!”

Bago pa nakasagot si Ashton ay nasa harap na niya ang nependiso at mabilis siyang dinaklot sa braso. Napasigaw si Ashton sa naramdamang sakit ng pilipitin nito ang kanyang braso. Nabitiwan niya ang baril at humagis ito sa damuhan. Binuhat ng halimaw si Ashton at parang wala lang na itinapon pababa ng bundok.

Bumagsak siya malapit sa kinaroroonan nina Laarni at Wangga. Kahit nananakit ang katawan ng dalawang babae ay pinilit nilang tumayo upang tulungan si Ashton. Dinaluhan ni Laarni ang lalaki. Si Wangga naman ay sinubukang asintahin ang halimaw.

Hindik na hindik si Ka Nelia sa nasaksihan. Pero higit na hilakbot ang bumalot sa buo niyang pagkatao nang siya naman ang pagbalingan ng nependiso!

“Huwag…” Napaatras siya nang makitang dahan-dahang lumalapit sa kanya ang halimaw. “Maawa ka sa akin. Huwag mo akong papatayin…”

Umatungal nang pagkalakas-lakas ang halimaw.

Kinakabahan man ay pinaputukan ni Wangga ang halimaw. Tatlong bala ang agad na nabawas pero wala ni isa man ang tumama sa nependiso. Marahil ay dahil sa distansiya niya sa tinatarget na halimaw.

Muli niyang inasinta ang halimaw na nakikita niyang papalapit kay Ka Nelia. Kailangang tamaan niya ang nependiso kung hindi ay mapapatay nito ang ina ni Kapitan Celso.

“Doktora!” tili ni Laarni. “May sugat sa ulo si Ashton. Dumudugo ang ulo niya!”

Hindi naituloy ni Wangga ang pagbaril sa halimaw. Napalingon siya kay Ashton at nakita nga niyang duguan na ang mukha nito dahil sa dugong umaagos mula sa sugat sa ulo.

Malapit na kay Ka Nelia ang halimaw. Patuloy naman sa pag-urong ang matandang babae.

“Huwag mo akong papatayin.” Kinausap ni Ka Nelia ang halimaw. “Hindi mo na ba ako nakikilala? Hindi mo na ba ako natatandaan? Inalagaan kita… Ako si Nelia, ang nanay ni Kapitan Celso.”

Hindi huminto ang halimaw sa paglapit sa matandang babae. Itinaas nito ang kamay para dakmain ang susunod niyang biktima!

Pikit-matang pinaputukan muli ni Wangga ang halimaw!

Author’s note:

This story has long been completed. Chapters 1-28 are in public setting while the remaining two chapters are set in private.

Only my followers can read the private chapters.

Thank you.

Twenty-five

ISANG BALA ang naglagos sa hita ng halimaw. Nabaling ang pansin nito kay Wangga. Pero imbes na sugurin ang doktorang bumaril sa kanya ay mabilis itong tumakbo papalayo. Naiwan si Ka Nelia na nanginginig sa takot.

Agad na nilapitan ni Wangga sina Ashton at Laarni.

“Laarni, puntahan mo si Ka Nelia. Gagamutin ko lang muna ang sugat ni Ashton. Kailangang huminto ang pagdurugo ng sugat niya sa ulo.”

“Okay po, doktora.”

“Ashton, umupo ka rito sa nakatumbang puno para magamot ko ang sugat mo.” Kinuha niya sa loob ng bag ang bulak at betadine solution. Nilinisan niya ang sugat at nang matapos ay nilagyan niya ito ng gasa para maampat ang pagdurugo.

Si Laarni naman ay kasalukuyang pinapayapa ang takot na takot na si Ka Nelia. Hanggang ngayon ay halos hindi makapaniwala ang matandang babae na muntik na siyang lapain ng nependiso.

“Ka Nelia, huwag na kayong matakot. Umalis na ang halimaw. Hindi niya tayo mapapatay dahil may mga armas kaming dala para ipanglaban sa kanya.” Pilit pinapakalma ni Laarni ang matanda. “Pero bakit po ba talaga kayo nandito?”

“Oo nga, Ka Nelia. Mas makabubuti kung sasabihin n’yo na sa amin kung anong ginagawa mo rito,” sabi ni Wangga na lumapit na rin sa dalawa pagkatapos gamutin ang sugat ni Ashton.

“At sabihin n’yo na rin kung bakit pinigilan mo ako noong babarilin ko ang halimaw.” Si Ashton man ay nagtanong na rin. “Kilala mo ang halimaw, hindi ba?”

Sukol na sukol na si Ka Nelia. Paano pa ba siya makatatanggi? Wala nang ibang puwedeng gawin kundi aminin kung ano ang kanyang nalalaman.

“Naghihintay po kami sa sasabihin mo, Ka Nelia.” magalang sa sabi ni Wangga. “Makipagtulungan ka na sa amin para sa ikatatahimik ng baryo San Joaquin.”

“Laarni, naaalala mo ba ’yong panahong nawala ako sa baryo?” tanong ni Ka Nelia.

“Opo. Hindi po ba namundok kayo at sumama sa mga rebelde?” sagot niya pero nabahiran na ng pagtataka ang kanyang mukha. Anong kaugnayan ng pagsali ni Ka Nelia sa mga taong-labas sa pagkakaroon ng halimaw sa Baryo San Joaquin?

“Hindi ako umanib sa mga rebelde o sa kahit na ano pa mang samahang kumokontra sa gobyerno.”

“Eh, saan kayo pumunta noong panahong wala kayo sa baryo?” Kita sa mukha ni Laarni ang kuryosidad.

“Dinukot ako ni Dominador. Dinukot niya ako para gawing katulong sa bahay ng kapatid niya. At nandito ako dahil malakas ang kutob kong dinukot din niya si Celso kaya hindi na nakauwi ang anak ko.”

Nanlaki ang mga mata ng tatlong kaharap ni Ka Nelia.

“Si Dominador din ang dumukot kay Dr. Roxas at Dr. Luarca,” pagpapatuloy ni Ka Nelia. “Pero si Dra. Yvette, ang arannik ang kumuha sa kanya.”

“Sinasabi ko na nga ba at may itinatago ang kagawad na ’yan. Kaya ayaw niyang i-report sa pulisya ang mga nangyayaring pagpatay sa baryo,” deklara ni Wangga. “At ako pa talaga ang pinagbibintangan niyang halimaw ganoong siya pala ang nakakaalam ng misteryo ng mga nawawalang doktor sa baryo. Kunwari pa siyang humingi ng tawad sa akin, palabas lang pala niya iyon.”

“Alam n’yo kung nasaan si Yvette?” agad na naitanong ni Ashton. “Nasaan siya? Anong nangyari sa kapatid ko?”

Sina Laarni at Ka Nelia naman ang nagulat. “Kapatid mo si Dra. Yvette?” tanong ng ina ni Kapitan Celso.

Tumango si Ashton. “At nagpunta ako sa Baryo San Joaquin para hanapin siya. Hinding-hindi ako babalik hanggang hindi ko nakikita ang kapatid ko. Ngayon Ka Nelia, sabihin mo sa akin kung nasaan si Yvette.”

Parang muling napipi ang matandang babae.

“Ka Nelia, sabihin n’yo na. Hindi n’yo kailangang pagtakpan kung sino man ang may kagagawan ng mga kaguluhan sa baryo.” Si Wangga ay hindi na rin mapakali. Ngayong lumilinaw na ang mga pangyayari, kailangang sabihin ni Ka Nelia ang lahat ng nalalaman nito.

“Nandoon siya sa bahay ni Regidor,” maya-maya ay sabi nito.

“Regidor? Iyong kapatid ni kagawad? Hindi po ba matagal nang naninirahan sa Amerika ’yon?” gulat na tanong ni Laarni. Mula noong mamatay ang asawa niya, hindi na siya bumalik dito.“

Umiling si Ka Nelia. “Nandito siya, matagal na. Bumalik siya para ipaghiganti ang pagkamatay ng asawa niya.”

Tila lalong naguluhan si Laarni. “Paanong…? Bakit?”

“Anong ginawa ng Regidor na ’yon sa kapatid ko?”

“Ka Nelia, parang magulo eh. Ano ang kaugnayan ni Regidor sa mga halimaw na pumapatay. Iyong arannik. Tapos, ’yong nependiso. Saan sila galing?” Humihingi ng eksplanasyon si Wangga. “At bakit dinudukot ni kagawad ang mga doktor?

“Teka, mas naguguluhan ako sa inyo.” Bumaling si Ka Nelia kay Ashton. “Buhay pa ang kapatid mo, Ashton. Pero nagustuhan siya ni Regidor. Noong umalis ako sa bahay ni Regidor, tulala si Dra. Yvette. Marahil ay hindi nakayanan ng isip niya ang mga nangyari.”

Nanlumo si Ashton sa narinig. Pero napagdugtong-dugtong na ng isip niya na si Yvette ay dinukot ng arranik at nakatira na ngayon sa bahay ni Regidor. Kung ganoon, may kaugnayan sa halimaw si kagawad at ang kapatid nitong si Regidor.

“Doktora, wala na ang arannik? Patay na siya.”

Nagulat si Wangga at Laarni. Kelan pa namatay ang arannik?

“Paanong nangyaring namatay ang arannik?” tanong ni Laarni.

“Natatandaan n’yo ba ’yong huling biktima ng arannik bago nagsimulang sumalakay ang nependiso? Hindi pinatay ng arannik ang isang iyon. Imposibleng arannik ang pumatay sa kanya dahil sigurado akong siya ang arannik,” puno ng kumpiyansang sabi ng matandang babae.

“Si Dr. Ernesto Roxas? Siya ang arannik?” Hindi makapaniwala si Laarni. Napatingin pa nga siya kay Wangga.

“Bakit siya?” naguguluhang tanong ni Wangga. Maging si Ashton ay namamangha sa pinatutunguhan ng mga sinasabi ni Ka Nelia.

“Saka ko na ipaliliwanag sa inyo. Kailangan na nating umalis kaagad ito. Baka bumalik ang halimaw. Nanganganib tayo rito.”

“Hindi ako aalis dito!” matigas na sabi ni Ashton. Haharapin ko ang halimaw na ’yan. Kung kinakailangang patayin ko siya para mabawi ko kay Regidor si Yvette, gagawin ko. Walang sinumang puwedeng humadlang sa akin. Babawiin ko ang kapatid ko sa anumang paraan.“ Biglang may naalala siya. “Ang baril ko, nabitawan ko ’yon kanina. Kailangang makita ko ang baril ko.” Tumakbo ito sa lugar kung saan niya nabitawan ang baril at hinanap iyon sa paligid. Ilang saglit lang ay muling sumigaw si Ashton. “Eto, nakita ko na!”

“Iyong baril ko rin!” bulalas ni Laarni. Nabitawan ko kanina nang gumulong kami ni doktora paibaba. Teka lang, hahanapin ko.“

Bumalik si Ashton kina Wangga at Ka Nelia. Muli ay tinanong niya ang matandang babae, “Hindi n’yo pa sinasagot ang tanong ko kanina, Ka Nelia. Bakit ayaw n’yong barilin ko ang nependiso? Malakas ang kutob kong kilala mo siya kung paanong kilala mo rin ang arannik.”

“Sino ang nependiso, Ka Nelia?” pagsabad ni Wangga.

“Ayokong barilin mo ang nependiso dahil hindi siya masama. Biktima lang din siya, Ashton.”

“Sino siya, Ka Nelia?”

Twenty-six

KUMATOK SI Aling Lucing sa isang silid. Pagkatapos ay binuksan niya ang pinto at sumilip sa loob. Nakita niya ang loob ng silid na tila isang maliit na laboratoryo. Maraming kung anu-anong aparato sa loob. Hindi mo iisiping ito ay isang kuwarto na ginawa para makapagpahinga at matulog ang isang tao.

Nasa loob ng silid si Regidor na gaya ng dati ay abala sa ginagawa nitong kung anu-anong eksperimento. Ngayon nga ay may sinisilip na naman itong specimen sa microscope. Mahigit kuwarenta lang ang edad nito pero mas mukha itong matanda dahil sa makapal na bigote at mahabang balbas sa mukha nito.

Nakapasok sa silid si Aling Lucing na para bang hindi naramdaman ni Regidor kahit na nga kumatok naman ito kanina.

“Anak…” tawag ng matandang babae kay Regidor.

Hindi kumibo ang tinawag. Nagpatuloy lang ito sa kanyang ginagawa.

“Si Celso… Hinahanap na siya ni Nelia. Nagpunta rito si Nelia kahapon. Nagbanta siyang ilalabas ang nalalaman niya kapag napatunayan niyang nandito ang anak niya. Ano ang gagawin natin?” Bakas sa tinig ng matandang babae ang pangamba.

Nag-angat ng mukha si Regidor. Kunot ang noo nito na lalong nagpasalubong sa makapal nitong kilay. “Gawin niya ang gusto niya. Gagawin ko rin ang dapat kong gawin.”

“Anak, baka naman puwedeng itigil mo na ang lahat ng ito. Marami na ang napahamak na taga-baryo. Mga inosenteng tao na naging biktima ng paghihiganti mo. Paghihiganti na kung tutuusin ay hindi naman dapat na mangyari dahil wala namang taong umagrabyado sa’yo. Sakit ang ikinamatay ng asawa mo. Hindi siya pinatay ng kahit na sino.”

“Oo, inay. Sakit nga ang ikinamatay ni Katrina. Sakit na sana ay naagapan kung nagdesisyon lang kaagad ang doktor na ipadala siya sa ospital sa kabisera. Kapabayaan ng doktor ang ang naging dahilan ng pagkamatay ng asawa ko, inay. Kaya dapat lang na may managot sa kapabayaang iyon,” sabi ni Regidor sa mapait na boses.

“Pero, anak…” Napaluha na si Aling Lucing. Paano ba niya makukumbinsi ang anak niya na tigilan na ang mga kahibangan nito?

“Lumabas na kayo, inay. Marami pa akong gagawin. Ayokong iniistorbo n’yo ako rito,” matigas ang tinig niyang sabi.

Walang nagawa ang ina niya kundi sumunod. Kabisado na ni Aling Lucing ang anak. Kasabay ng pagkamatay ng asawa nitong si Katrina ay ang malaking pagbabago rin sa ugali nito.

SI REGIDOR ALMANZOR ay isang zoologist cum human physiologist na nagtrabaho sa America. Bata pa lang ay kinakitaan na ito ng kakaibang talino at kasipagan sa pag-aaral. Kahit nagmula siya sa isang mahirap na pamilya ay nagsikap siyang makapagtapos ng pag-aaral. Lakas-loob siyang lumuwas ng Maynila pagkatapos ng high school at kumuha ng pagsusulit sa isang sikat na state university para makapasok doon nang libre. At dahil nga likas na matalino, naging scholar siya roon at nakatapos ng apat na taong kurso. Nagawa niya iyon kasabay ng pagtatrabaho sa mga fast food restaurant para naman tustusan ang iba pa  iyang gastusin sa Maynila. Ilang buwan bago pa siya magtapos ay may nabasa siyang isang anunsyo sa internet na nagbibigay ng scholarship sa mga estudyanteng gustong mag-aral sa America. Walang pag-aalinlangang kumuha siya ng examination para sa scholarship na iyon at nagawa niyang pumasa kaya pagkatapos ng kanyang graduation sa kolehiyo ay agad siyang lumipad sa America para ituloy ang kanyang pag-aaral. Kasali sa benepisyo ng scholarship ang libreng tirahan at allowance kaya wala siyang naging problema sa pera habang naroon siya sa America.

Nang matapos ni Regidor ang pag-aaral sa America ay agad din siyang nakakuha ng trabaho roon. Naging madali para sa kanya ang pag-asenso. Saka lang siya bumalik sa Pilipinas nang magkasakit ang kanyang amang si Salvador. Noon lang din niya ulit nakita si Katrina na kababata niya sa baryo. Binatilyo pa lang siya ay may lihim na siyang pagtingin sa kababata. Gustong-gusto niya ito na pagtagal ay nauwi sa matinding pagmamahal. Hindi nga lang niya ito nagawang ligawan dahil sa Maynila na siya nagkolehiyo, at tumuloy na rin kaagad siya sa America para mag-aral pa rin. Pero sa muli nilang pagkikita ay hindi na siya nag-aksaya pa ng pagkakataon. Kaagad siyang nagtapat ng pag-ibig kay Katrina. At bago pa siya  bumalik ng America ay nagpakasal na muna silang dalawa. Sobrang saya ang nadama niya noong sa wakas ay naging asawa niya ito. Pero dahil hindi pa niya kaagad maisasama sa America si Katrina ay naiwan muna ito sa baryo kasama ng kanyang mga magulang. Hanggang isang araw ay nakatanggap siya ng tawag sa kanyang kapatid na si Dominador na nagbabalitang sumakabilang-buhay na si Katrina. Nagkaroon umano ito ng ruptured appendix na hindi kaagad naoperahan kaya kumalat ang impeksyon sa buong abdomen ng babae.

Nag-uumapaw ang galit ni Regidor dahil sa nangyari. Para siyang binagsakan ng langit at lupa. Hindi niya matanggap ang napakaagang pagpanaw ni Katrina. Ibinunton niya ang sisi sa doktor na naka-assign sa health center ng kanilang baryo dahil hindi nito nailigtas ang kanyang asawa. Kung nagawa lang nito kaagad ng mabilis na aksyon ang sakit ng kanyang asawa, marahil ay buhay pa ito at kasama niya ngayon. Sana man lang ay naipadala kaagad sa kabisera si Katrina para mapatingnan sa isang ospital doon. Sana ay naoperahan ang kanyang asawa at hindi namatay sa isang napakasimpleng karamdaman.

Sa galit, bumalik ng Pilipinas si Regidor dala ang isang pangako ng paghihiganti sa lahat ng mga doktor na madedestino sa health center ng Baryo San Joaquin. Nang malaman ng kanyang mga magulang ang balak niya ay agad na tumutol si Mang Salvador. Hindi niya matanggap na isinisisi ng anak ang pagkamatay ni Katrina sa doktor ng Baryo San Joaquin. At kung totoo ngang nagpabaya ang doktor, bakit kailangang pati ang iba pang magiging doktor sa baryo ay managot? Ang matinding pagtatalo nina Regidor at Mang Salvador dahil doon ay naging sanhi para atakehin sa puso ang matandang lalaki na siya nitong ikinamatay.

Pagkalibing kay Mang Salvador ay agad na inumpisahan ni Regidor ang pagtupad sa kanyang mga pinaplano. Nang mabalitaan niyang ibinebenta ang isang luma at malaking bahay na nakatayo sa gitnang bahagi ng gubat na sakop ng isang kalapit-baryo ng San Joaquin ay agad niyang binili ito. Kahit malaki ang bahay ay nabili niya ito sa murang halaga lang dahil wala namang magkakainteres sa isang bahay na nasa gitna ng gubat na malayo sa poblasyon. Ang bahay na iyon ang gagamitin niya para matupad ang kanyang planong paghihiganti sa pagkamatay ni Katrina. Sa tulong ng kanyang kaalaman sa siyensiya, alam ni Regidor na madali niyang maisasakatuparan ang kanyang mga plano. Planong gawing halimaw ang lahat ng doktor sa Baryo San Joaquin!

Nasa America pa lang siya ay na-perfect na niya ang formula ng kemikal na gagamitin niya upang maging halimaw ang isang ordinaryong tao. Pati ang formula kung anong klaseng halimaw ang lalabas sa sandaling humalo sa dugo ng tao ang kemikal ay perpekto rin niyang nagawa. Kailangan na lang niya ngayon na makuha ang unang doktor na makakatikim ng kanyang paghihiganti.

Walang nagawa si Dominador nang iutos niyang dukutin si Dr. Ernesto Roxas. Ito ang doktor na tumingin kay Katrina. Dahil sa doktor na ito ay namatay ang asawa niya. Ipinadukot rin niya si Ka Nelia para gawing katulong sa malaking bahay.

Sa tulong ng dalawang tauhan niyang si Cleto at Simon ay tinurukan niya ng hallucinogenic drugs ang doktor, kasama na ang iba pang gamot at kemikal na ang unang epekto ay ang pagkontrol niya sa utak nito. Sa ginawa niya, siguradong susunod nang walang pag-aalinlangan sa lahat ng iuutos niya si Dr. Roxas.

Kasunod nito ay gumawa siya ng isang kemikal namagagawang magpapawala ng memorya ng sino mang maturukan nito. Itinurok din itoni Regidor sa sistema ni Dr. Roxas. Ito ang gamot na magpapanatili ng memorya ng doktor sa mga taong kasama niya sa malaking bahay na iyon. Dahil sa kemikal na iyon, magiging tila maamong tupa sa kanila si Dr. Roxas sa sandaling iturok na ni Regidor ang huling kemikal na magpapabago sa anyo nito para maging halimaw na arannik!

Nang dumating sa baryo si Dr. Carlos Luarca ay ito naman ang ipinadukot niya kay Dominador. Gaya ng dati ay tahimik na sumunod sa utos niya ang kagawad.

At nagsimula na ngang pumatay ng mga residente ng Baryo San Joaquin ang arannik. Si Dr. Luarca naman ay nanatiling bilanggo sa basement ng malaking bahay na iyon at inalagaan ni Ka Nelia.  Nang dumating si Yvette sa baryo ay ang arannik na mismo ang dumukot sa dalagang doktor. Napasunod niya ang arannik na huwag patayin si Yvette at dalhin lamang sa malaking bahay.

Hindi inaasahan ni Regidor na maaakit siya sa kakaibang ganda ni Yvette. Hindi niya yata kayang gawing halimaw ang napakagandang doktorang ito. Sayang nga lamang at tulala na ito nang magkamalay mula nang iuwi ito ng arannik sa malaking bahay. Hanggang ngayon ay tulala pa rin si Yvette at walang kaalam-alam sa trahedyang sinapit. Pero hindi naman niya pinabayaan ang dalagang doktor. Ipinagkatiwala niya ito mismo sa kanyang ina para maalagaan.

Nang mabalitaan niyang may bagong doktor na naman sa baryo ay inutusan niya ang arannik na dukutin ito. Sayang nga lamang at nakaligtas ang bagong doktora ng baryo. Pero nitong mga nakaraang araw ay tila napapansin niya ang kakaibang ikinikilos ng arannik. May mga pagkakataong hindi na ito sumusunod sa sinasabi niya. Inisip niyang baka lumipas na ang epekto ng kemikal na itinurok dito kaya naman sinubukan niyang turukan ulit ito ng gamot para makontrol muli ang isip nito. Pero sa kung ano mang kadahilanan ay biglang nagwala ang arannik at muntik pa siyang sugurin kaya napilitan siyang turukan ito ng lason na naging dahilan ng kamatayan nito. At para palabasing biktima rin ito ng arannik ay tinusok niya ang leeg nito katulad ng kung paano ang itsura ng mga sugat sa leeg ng biktima ng halimaw.

Sa pagkamatay ng arannik, lumabas ang ikalawang halimaw na likha ni Regidor.

Ang nependiso!

Pero ngayon ay pinag-aaralan niya nang mabuti kung ano ang naging pagkukulang sa kemikal na itinurok niya sa arannik kaya ito sumuway sa ipinag-uutos niya. Sa gayon, hindi mangyayari sa nependiso ang katulad ng ginawa ng arannik.


“SUMAGOT KA, Ka Nelia! Sino ang nependiso?” inulit ni Wangga ang tanong.

Nagpalipat-lipat muna ang tingin ni Ka Nelia sa tatlong kaharap niya bago siya sumagot. “Si Dr. Carlos Luarca, siya ang nependiso…”

Twenty-seven

“SI DR. LUARCA?” hindi makapaniwalang tanong ni Laarni.

“Paano ka nakasisiguro na si Dr. Luarca ang nependiso?” Gustong makatiyak ni Ashton.

“Dahil iyon ang plano ni Regidor. Ang maghiganti sa mga doktor ng baryo. Si Dr. Roxas ang inuna niya bilang arannik. Kasunod na si Dr. Luarca bilang nependiso. Si Dra. Yvette na ang kasunod pero baka hindi niya ito gawing halimaw dahil nagustuhan ni Regidor si doktora.”

“Hindi maaari!” Bumakas ang galit sa mukha ni Ashton. “Hindi niya puwedeng galawin ang kapatid ko. Hindi niya puwedeng babuyin ang kapatid ko!”

“Ashton!” Maging si Wangga ay nabahala sa sinabi ni Ka Nelia.

“Ikaw rin, Dra. Wangga. Nanganganib ka rin kay Regidor. Siguradong kukunin ka rin niya para gawing halimaw. ’Yan ang dahilan kaya paulit-ulit kitang binalaan na umalis ka na sa baryo. Dahil alam ko ang kasasapitan mo kapag nagtagal ka pa bilang doktor sa Baryo San Joaquin. Pero hindi ka nakinig sa akin.”

“Hindi ito ang panahon para magsisihan pa tayo. Kailangan na nating kumilos para mailigtas si Yvette kay Regidor,” sagot ni Wangga. “Sasama ka ba, Ka Nelia? Baka nga tama ang hinala mo na naroon din si Kapitan Celso.”

“Oo, sasama ako. Tutulungan ko kayo…”

“Kung ganoon, lumakad na tayo bago pa natin muling makasalubong ang nependiso,” utos ni Ashton. “Bilisan n’yo ang pagkilos!”

Nagsimula na silang muling maglakad. Lahat sila ay nakaramdam ng pagod pero wala ni isa man ang nagreklamo at sumuko. Narating nila ang malaking bahay ngunit problema naman nila kung paano makakapasok doon. Sarado ang gate nito at napakataas naman ng sementong bakod para akyatin.

“Siguradong hindi tayo pagbubuksan ni Lucia. Pero may alam akong daanan sa likod ng bahay. Iyon nga lang, may tsansang makasalubong natin ang halimaw dahil doon ito pumapasok at lumalabas.”

“Handa akong salubungin kahit ilang halimaw mabawi ko lang ang kapatid ko,” matapang na sabi ni Ashton. “Tinamaan na siya ni Wangga kanina. Ang susunod na bala ay sisiguruhin kong tatama sa ulo niya. Kahit siya pa si Dr. Luarca, wala akong magagawa kundi patayin kaysa ako naman ang mapatay.”

“Anong ginagawa n’yo rito?” Nagulat ang lahat sa biglang pagdating ni Kagawad Dominador. Huling-huli sila nito na nasa harapan ng malaking bahay.

“Ilabas mo ang anak ko! Alam kong dinukot mo si Celso!” Agad na naglabas ng emosyon si Ka Nelia. “Tama na ang kasamaan mo, Dominador. Dapat nang matigil ang kasamaan ng pamilya n’yo! Alam na nila na nasa malaking bahay na ’yan si Dra. Yvette. Alam na nila ang kasamaang ginagawa ng kapatid mo sa mga doktor sa baryo.”

“Hindi mo alam ang sinasabi mo!” sigaw ni kagawad. “Umalis na kayo rito. Alis!!!”

“Hindi kami aalis dito nang hindi kasama si Yvette. Hindi kami aalis hanggang hindi namin napapatay ang halimaw,” madiin na sabi ni Ashton.

Napangisi si Dominador. “Akala n’yo ba ay laruan lang ang halimaw na ganoon kadaling idispatsa? Maraming buhay na ang napatay. Baka gusto n’yong kayo naman ang paglamayan.”

Mabilis na dinukot ni Ashton ang baril na nakasuksok sa kanyang baywang at itinutok kay kagawad. “Sisiguruhin kong mauuna ka kapag hindi mo kami pinapasok sa loob ng bahay na ’yan.”

Ang halimaw na pinag-uusapan nila ay kanina pa nasa paligid lang at naghihintay ng tamang tiyempo. At kung kelan hindi nila inaasahan ay saka ito biglang lumundag mula sa pinagtataguan nitong malago at mataas na puno. Eksakto itong bumagsak sa harapan nina Laarni at Wangga.

Mabilis ang naging pagkilos ng halimaw. Bago pa nakakilos sila nakakilos ay agad na dinampot nito si Wangga. Pagkatapos ay mabilis din itong tumakbo papalayo.

Ang lakas ng tili ni Wangga sa bilis ng pangyayari. Si Laarni ay hindi rin agad nakakilos sa labis na pagkabigla. Nawala ang atensyon ni Ashton kay kagawad at iyon ang sinamantala nito.

Isang suntok ang pinakawalan ni Dominador at tumama mukha ni Ashton. Sinubukang agawin ni Dominador ang baril ni Ashton kaya nagpambuno silang dalawa.

Pumutok sa ere ang baril pero patuloy pa rin sila sa pag-aagawan. Walang gustong sumuko. Bawat isa ay matindi ang pagnanasang matalo ang katunggali.

Hindi malaman ni Laarni ang gagawin. Si Ka Nelia ay dumampot ng isang mahabang sanga ng punong kahoy.

Nakakuha ng tiyempo si Dominador kaya isang malakas na suntok ang muli niyang pinakawalan. Sapol sa mukha si Ashton. Tumilapon siya at bumagsak. Nabitiwan din niya ang baril.

Lumapit si Dominador para sundan ng isa pang suntok si Ashton ngunit mas mabilis si Ka Nelia. Hinambalos niya sa ulo si Dominador gamit ang hawak na sanga ng punong kahoy.

Hilong natumba si Dominador. Isang hataw pa sana ang gagawin ni Ka Nelia pero inawat na siya ni Ashton.

“Tama na, Ka Nelia. Kakailanganin natin ang hayup na ’yan para makapasok tayo sa loob ng bahay.” Dinampot niya ang baril.

“Ashton, si Doktora! Tinangay siya ng halimaw!” Umiiyak na sigaw ni Laarni.

“Huwag kang mag-alala. Malakas ang kutob kong hindi sasaktan ng halimaw si Wangga. Kung tama ang hinala ko, malamang na nasa loob na siya ng malaking bahay.”

Tinadyakan ni Ashton si Kagawad Dominador. “Bumangon ka riyan! Katukin mo ’tong gate para buksan ng mga kasabwat mo.” Hinila pa niya ang kuwelyo ng damit nito para mabilis itong makabangon.

Nag-doorbell si Kagawad Dominador. Tatlong sunod. Ilang saglit lang ay may nagbukas ng gate.

“Cleto…”

“Kagawad, anong nangyari?” Nanlalaki ang mga mata ni Cleto habang palipat-lipat ang tingin kina Dominador at Ashton. Nahagip din ng mga mata nito sina Ka Nelia at Laarni.

“Pasok!” Itinulak ni Ashton si Kagawad habang nakatutok ang baril sa ulo nito. Binalaan nito si Cleto. “Subukan mong kumilos nang hindi maganda, para bumulagta itong amo mo.”

Hindi nakapalag si Cleto nang pumasok sa loob ng bahay ang mga bagong dating.

“Dalhin mo kami kay Regidor!” utos niya kay Cleto. “Bilisan mo!” Lumingon siya sa likod. “Laarni, ilabas mo ang baril mo! Ka Nelia, sumunod kayo sa amin.”

Lumakad si Cleto. Kasunod sina Ashton at Dominador. Nasa likuran naman ang dalawang babae. Alerto si Laarni habang hawak ang baril at nakatutok naman sa likuran ni Cleto.

Sa basement dinala ni Cleto ang mga bagong dating. Agad na nakita ni Ashton ang isang lalaki na tila sadyang naghihintay sa kanila.

“Maligayang pagdating sa inyo! Welcome to my humble abode,” nakangising pagbati ni Regidor. “Kanina ko pa kayo hinihintay.”

Nakita ni Ka Nelia ang isang lalaking nakakadena sa isang kulungan. “Celso, anak!”

Nag-angat ng ulo si Celso. Nagliwanag ang mukha nito nang makilala ang ina, kasabay ang mapait na ngiti.

“Napakagandang pagkakataon ang pagsasama-sama ninyo ngayon dito. Hindi na ako mahihirapang patayin kayo nang sabay-sabay.” Hindi nawawala ang nakalolokong ngisi sa mga labi ni Regidor. “Mamamatay kayong lahat dito… Ngayon!”

Twenty-eight

“ILABAS MO si Yvette! Ilabas mo ang kapatid ko kung ayaw mong mauna nang mamatay ang kapatid mo!” Idiniin ni Ashton ang dulo ng baril sa sentido ni Dominador.

Parang walang narinig si Regidor. Pumalakpak ito ng tatlong ulit at nagmamadaling lumapit dito sina Cleto at Simon.

“Dalhin n’yo rito si Dr. Luarca. Isama n’yo na rin ang bisita n’ya,” utos ni Regidor sa dalawang lalaki.

Nagtungo sina Simon at Cleto sa isang sulok ng basement kung saan ang isang bahagi ng pader ay gawa sa makapal na rehas. Ang rehas na iyon ay pinto pala ng isang kulungan at  naroon si Dr. Luarca at isang babae.

Si Wangga!

Tila wala sa sarili si Dr. Luarca. Sa hita nito ay may bakas ng dugo. Si Wangga naman ay nakakadena ang mga kamay at paa. Ang kadenang nasa paa niya ay sapat para makalakad pa rin siya ng katamtamang mga hakbang. Walang reaksyon sa mukha ng doktora. Kung ano man ang iniisip nito ay ito lang ang nakaaalam.

Dinala ng dalawang lalaki sina Wangga at Dr. Luarca kay Regidor.

“Ngayon, masdan n’yo kung ano ang gagawin ko sa inutil na mga doktor n’yo.” Dinukot nito sa bulsa ng suot na laboratory gown at inilabas ang isang maliit na botelyang may lamang asul na likido. Kasunod ay iniabot naman ni Simon ang isang heringgilya kay Regidor at inilagay nito ang asul na likido sa heringgilya.

Itinurok ni Regidor sa ugat sa braso ni Dr. Luarca ang kemikal. Sa umpisa ay parang wala lang ngunit pagkalipas ng ilang sandali ay nanginig na tila kinukuryente si Dr. Luarca kasabay ang unti-unting pagbabago ng anyo nito. Ang maamong mukha nito ay dahan-dahang naging mukha ng unggoy na may mahahabang mga pangil habang ang katawan ay naging tila sa baboy-ramo. Lumaki rin ito at umabot ng siyam na piye.

Hindi makapaniwala si Laarni sa nasaksihan. Si Ashton ay nakamasid lang pero alerto siyang nakikiramdam sa paligid.

Naging ganap na halimaw si Dr. Luarca. Ang atungal nito ay pumuno sa loob ng basement.

Napatili si Wangga. Katabi niya ang halimaw. Ano mang oras ay puwede siyang dakmain nito at lapain.

Humalakhak si Regidor. “Wala na kayong magagawa. Permanente nang magiging halimaw si Dr. Luarca dahil naperpekto ko na ang pormulang nagpapabago sa kanyang anyo!”

“Doktora!” sigaw ni Laarni nang kumilos ang kamay ng nependiso para dakmain si Wangga. Mas hinigpitan niya ang hawak sa baril at itinutok sa halimaw.

Dinampot ng halimaw si Wangga at itinaas.

Babarilin na ni Ashton ang nependiso ngunit kumilos si Dominador para agawin ang baril. Dalawang beses na pumutok ang baril sa ere. Muling nagsukatan ng lakas ang dalawang lalaki. Sumugod sina Simon at Cleto para tulungan si kagawad.

“Laarni, barilin mo ang halimaw!” sigaw ni Ashton habang nakikipaglaban kay Dominador.

Humanda ang halimaw para lapain ang doktora. Noon ipinutok ni Laarni ang baril. Sapul sa balikat ang nependiso. Isang putok pa ang umalingawngaw at tumama sa braso ng halimaw. Nabitawan nito si Wangga na unang bumagsak ang likod sa semento. Namilipit sa sakit ang doktora.

Mabilis na nilapitan ni Regidor si Wangga at pinasan ito. Pagkatapos ay mabilis siyang tumalilis papalabas ng basement. Dumaan siya sa  malaking pinto na nasa bandang dulo ng basement kung saan pumapasok at lumalabas ang halimaw.

Muling umatungal ang halimaw. Galit na galit na ito. Humakbang ito papalapit kay Laarni.

“S-sige, b-babarilin kita…” nanginginig ang boses na sabi niya sa halimaw.

“Iputok mo!” sigaw ni Ka Nelia. “Patayin mo siya bago pa tayo ang mapatay!”

Napalibutan nina Cleto, Simon at Dominador si Ashton. Tinangka niyang paputukin ang baril subalit wala na itong bala.

Mabilis siyang kumilos. Binigyan niya ng isang matinding bigwas sa panga si Dominador. Tulog na bumagsak sa semento ang kagawad. Sumugod ang dalawang tauhan ni Regidor pero mas maliksi at alerto si Ashton. Nagawa rin niyang patumbahin kaagad ang dalawang lalaki sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng magkasunod na knockout punch.

Apat na magkakasunod na putok ang lumabas sa baril ni Laarni. Dalawa rito ay tumama sa binti at dumaplis sa tagiliran ng halimaw.

Napaatras ang nependiso. At bago pa muling nakapagpaputok si Laarni ay tumakbo na ito papalabas ng basement.

“Susundan ko ang halimaw! Laarni, hanapin mo rito sa loob ng bahay si Yvette.” Binalingan naman nito si Ka Nelia. “Hanapin n’yo ang susi ng kulungan at ng mga kadena. Pakawalan n’yo si Kapitan Celso.” Iyon lang at mabilis na lumabas na rin siya sa basement para habulin ang halimaw.

Wala ang halimaw sa labas ng malaking bahay. Sinamantala niya ang pagkakataon. Agad niyang nilagyan ng bala ang kanyang baril. Walong bala para sa kanyang civilian pistol.

Napapitlag siya nang biglang marinig ang atungal ng halimaw. Kasabay nito ay bumagsak mula sa puno ilang metro sa kinatatayuan niya ang nependiso.

Humakbang ito papalapit kay Ashton.

Sinubukan itong kausapin ng binata.

“Dr. Luarca! Hindi kita kalaban. Pero sa ginawa sa’yo ni Regidor, hindi na rin kita puwedeng buhayin. Marami ka pang mapipinsalang tao habang nabubuhay ka.”

Umatungal ang halimaw na tila sumasagot sa mga sinabi ni Ashton.

“Patawarin mo ako, Dr. Luarca. Lahat tayo ay naging biktima ni Regidor. Si Regidor ang totoong halimaw sa baryo San Joaquin! Si Regidor na ginamit ang kaalaman niya sa siyensya para maghasik ng lagim at takot sa buong baryo.” Ikinasa niya ang hawak na baril at sunod-sunod itong ipinutok sa umaatungal na nependiso.

Bumaon sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng halimaw ang walong bala. Mas lalo itong nagwala at umatungal. Humakbang ito patungo sa kinaroroonan ni Ashton.

“Patawad, Dr. Luarca. Hindi ko gustong patayin ka. Pero iyon na lang ang paraan para matahimik ang mga tao sa baryo San Joaquin.” Mabilis na dinukot ni Ashton ang isang granada sa loob ng kanyang backpack.

Umaatungal pa rin ang halimaw sa dami ng tama ng bala sa katawan nito. Bakas sa itsura nito na iniinda na nito ang sakit na dulot ng mga tama ng bala ng baril pero patuloy pa rin ito sa paglapit kay Ashton.

Kinagat niya ang pin ng granada para matanggal ito. Pagkatapos ay inasinta niyang mabuti ang mukha ng nependiso. Hindi siya puwedeng sumablay. Hindi siya puwedeng magkamali!

Todong lakas niyang inihagis ang granada papunta sa mukha ng halimaw.

Patuloy sa malakas na pag-atungal ang nependiso. Bukang-buka ang bibig nito.

Ang granada ay naglakbay patungo sa inasintang kalaban. Diretso itong pumasok sa loob ng bibig ng halimaw.

Sumara ang bibig ng nependiso nang maramdaman ang granada sa kanyang bibig.

Mabilis na nag-dive si Ashton sa makapal na damuhan. Kasunod nito ay ang malakas na pagsabog ng granada.

Kitang-kita ni Ashton nang magkalasog-lasog ang ulo ng nependiso hanggang sa unti-unti itong bumulagta sa lupa. Wala nang buhay!

Twenty-nine

PAGKATAPOS IGAPOS ang mga walang malay na kasabwat ni Regidor ay sinimulang hanapin nina Ka Nelia at Laarni si Yvette.

Nanlaki ang mga mata ni Laarni nang makilala ang isa sa dalawang babaeng nasa loob ng pinasok nilang silid sa ikalawang palapag ng malaking bahay. “Dra. Yvette!”

Walang rekasyon ang tinawag. Nanatili lang itong nakatingin sa kawalan.

“Dito na matatapos ang kasamaan ng mga anak mo, Lucing. Kaya mas makabubuti kung ibibigay mo sa amin si Dra. Yvette,” singhal ni Ka Nelia.

Bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Aling Lucing. Ayaw niyang iwanan sa ere ang anak pero nakikita niyang hindi na tama ang ginagawa nito. Maraming inosenteng tao na ang napahamak at namatay nang dahil sa kanyang anak na si Regidor.

“Huwag kang hibang, Lucing! Matagal mo nang kinukunsinti ang kasamaan ng mga anak mo. Panahon na para ituwid mo ang mga pagkakamali nila. Huwag kang magpabulag sa maling klase ng pagmamahal mo sa iyong mga anak!”

Pinakiusapan na rin ni Laarni ang ina nina Regidor at Dominador. “Aling Lucing, makinig kayo sa amin. Tapusin n’yo na ang nilikha ninyong kilabot sa baryo. Isuko n’yo na ang mga anak ninyo. At kayo rin…”

Marahang yumuko si Aling Lucing. “Kunin n’yo na si Yvette.” Dinukot nito ang isang bungkos ng mga susi sa bulsa. “Pakawalan n’yo na si Celso.”

IBINABA NI Regidor ang pasan na doktora at sinusian ang kandado ng kadena nito sa paa. Pagkatapos ay mabilis niya itong hinawakan sa kamay at hinila papalayo sa lugar na iyon.

“Bilisan mo!” Walang nagawa si Wangga kundi sumunod.

“Saan mo ba ako dadalhin? Sumuko ka na lang dahil hindi mo na matatakasan ang mga kasalanan mo.”

“Iyon ang akala mo! Habang hawak kita, walang magagawa ang mga kasama mo. Maliban na lang kung gusto nilang makita kang patay.”

“Hindi mo magagawa sa ’kin ’yan!” Buong lakas na hinila ni Wangga ang kanyang braso at pinilit na makawala mula sa pagkakahawak ni Regidor. Mas lalong namula ang balat niya sa braso sa higpit ng pagkakahawak ng lalaki.

Napangisi si Regidor. “Huwag ka nang magtangkang tumakas. Hindi ako magdadalawang isip na patayin ka.”

Kinilabutan si Wangga. Mala-demonyo ang imaheng nakita niya sa mukha ng kaharap.

“Wangga! Nasaan ka!”

“Si Ashton ’yon…” Nabuhayan siya ng loob nang marinig ang sigaw na iyon. Hinahanap na siya ni Ashton.

“Ashton, nandito ako! Puntahan mo ako rito!” Ubod ng lakas ang kanyang pagsigaw para marinig siya ni Ashton.

“Tumahimik ka!” Halos mabingi si Wangga sa lakas ng sampal na dumapo sa pisngi niya. Nanlilisik ang mga mata ni Regidor. “One more shout and you’re dead.”

Muling tumakbo papalayo si Regidor habang hila-hila si Wangga.

Si Ashton naman ay muling sumigaw. “Nasaan ka, Wangga!”

Wala na siyang narinig na sagot. Pero kanina ay narinig niya ang sigaw ni Wangga.

Binilisan pa niya ang pagtakbo para hanapin ang doktora.

“Aaahhhhh!!!”

Narinig ni Ashton ang sigaw. Hindi siya maaaring magkamali. Si Wangga ang sumigaw na iyon!

Mabilis niyang tinunton ang pinagmulan ng hiyaw.

Si Wangga ay napako sa kanyang kinatatayuan. Nasa harapan nila ni Regidor ang isang napakalaking cobra. Isang kagat lang ng makamandag na ahas na ito ay patay silang bubulagta sa damuhan.

Hinarap ni Regidor ang cobra. Dahil isa siyang zoologist, kabisado niya ang bawat galaw ng makamandag na hayop.

Nakipagtitigan siya rito habang nakahanda ang kanang kamay ano mang oras na tumuklaw ito.

Namimintog ang ulo ng cobra na tila ba naghihintay lang ng mabibiktima. Ang tunog na nililikha nito ay mas lalong nagdagdag sa kilabot na nadarama ni Wangga.

Isang mabilis na pagtuklaw ang ginawa ng cobra. Kasabay noon ay ang mas mabilis na pagkilos ni Regidor na dumaklot sa bahaging ibaba ng ulo ng ulupong.

Iwinasiwas niya ang ahas at pagkatapos ay ubod lakas na inihagis sa malayo.

Nakangising hinarap ni Regidor si Wangga. Tatakbo na sana ang doktora pero maagap itong nahawakan ng lalaki.

“Wala kang tatakbuhan sa kagubatang ito. Halika rito!” Muli ay kinaladkad ni Regidor ang bihag.

Napahinto lamang sa pagtakbo si Regidor nang mapagawi sila sa gilid ng bundok na kung saan makikita ang ilog sa ibaba nito. Mataas ang lugar na kinatatayuan nila. Nalula si Wangga nang maisip na posible silang mahulog doon.

“Wangga!” sigaw ni Ashton na sa wakas ay natagpuan na rin ang kanyang hinahanap. “Pakawalan mo siya, Regidor. Ako ang harapin mo. Huwag kang magtago sa likod ng isang babae!” Itinutok niya ang baril kay Regidor at dahan-dahang lumapit sa dalawa. Maghahanap lang siya ng tiyempo para mabaril ang halimaw na lalaking ito.

“Ulol! Sinong nagsabi sa’yong mapasusunod mo ’ko?” Hindi nawawala ang nakalolokong ngisi sa mukha ni Regidor. “Ibaba mo ang baril mo kung ayaw mong ihulog ko sa bangin ang doktorang ito!”

Napahinto si Ashton.

“Hanggang diyan ka na lang! Ihagis mo ang baril mo rito.”

Hindi kumilos si Ashton. Nag-iisip siya ng gagawing diskarte.

Mamaya pa ay inihagis niya ang baril at bumagsak ito sa harapan nina Wangga at Regidor na dalawang hakbang lang ang layo sa gilid ng bangin.

Mas lumapad ang ngisi ng lalaki. Pumapabor na sa kanya ang mga pangyayari.

“Napakadali mo palang utuin.” Napuno ng halakhak ni Regidor ang kagubatan, sabay walang babala na itinulak nito si Wangga sa bangin at tuluyang nahulog ang doktora.

“Wangga!” sigaw ni Ashton. Napasugod siya kay Regidor pero handa na ito para harapin ang kapatid ni Yvette.

Bumagsak sa ilog si Wangga. Sinikap niyang lumangoy ngunit hindi niya ganap na maikilos ang mga kamay niyang nakakadena. Pinilit na lang niyang huwag mag-panic kahit na ang mabilis na agos ng tubig sa ilog ay tinatangay na ang pagod niyang katawan.

Nagulat pa si Wangga nang bumangga siya sa isang malaking tipak ng bato na nasa gitna ng ilog. Laking pasasalamat niya na sumadsad siya sa batong iyon at napigilan ang tuluyang pagtangay sa kanya ng rumaragasang agos.

Nagpalitan ng suntok sina Regidor at Ashton. Lamang na lamang si Ashton kung bulto ng katawan ang pagbabasehan. Mas matangkad siya kay Regidor. Idagdag pang mas sanay siya sa mabibigat na gawain kesa sa katunggaling nakakulong lang sa malaking bahay sa loob ng mahigit dalawang taon.

Isang suntok ni Ashton ang tumama sa mukha ni Regidor. Tumilapon ang lalaki at napasubsob sa mismong kinaroonan ng baril ni Ashton.

Mabilis na dinampot ni Regidor ang baril at ipinutok. Nadaplisan sa balikat si Ashton. Kaagad na bumangon si Regidor at muling itinutok ang baril sa kalaban pero mabilis siyang tinalon nito. Saktong bumagsak sa kanya si Ashton at sa lakas ng pagkakabagsak ay naitulak nilang dalawa ang kanilang sarili patungo sa bangin.

Magkasamang nahulog sa ilog sina Regidor at Ashton!

Thirty

MULING NAGTUNGO sa basement si Ka Nelia, kasama sina Laarni at Yvette, para pakawalan ang anak na si Celso.

“Celso, anak nandito na ako,” puno ng emosyong sabi niya. Sinubukan niyang susian ang kandado sa kadenang nasa mga kamay ni Celso. Pagkatapos ay isinunod niya ang kandado sa kadenang nasa mga paa nito.

“Salamat, ’nay!” Mahigpit na niyakap ni Celso ang ina.

Bakas sa mukha ni Laarni ang kasiyahan sa eksenang nasa kanyang harapan. Si Yvette naman ay nananatiling nakatingin lang sa kawalan.

KAHIT NASA ilog na ay tuloy pa rin ang bakbakan nina Ashton at Regidor. Bawat isa ay matindi ang pagnanais na talunin ang isa’t-isa. Pero walang gustong magpatalo.

Mahirap makipagsuntukan sa gitna ng ilog lalo na kung rumaragasa ang agos nito. Sa isang maling pagtayo ni Regidor ay nadulas ito sa natapakang bato. Nawalan siya ng balanse, nabuwal at tinangay ng agos.

Sinikap ni Ashton na lumangoy para habulin si Regidor pero mas mabilis ang pag-agos ng tubig sa bahaging iyon ng ilog.

“Ashton!” Nakita niya si Wangga na nasa isang malaking tipak ng bato. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag pagkakita sa dalagang doktora. Salamat sa Diyos at ligtas ito.

At saka lang napansin ni Ashton na malayo na si Regidor. Imposible nang maabutan niya ito at mailigtas. Sigurado siyang tuloy-tuloy na itong tatangayin ng agos at mahuhulog sa talon.

Sinikap niyang makalangoy papunta sa batong kinaroroonan ni Wangga.

Si Regidor ay patuloy na inaanod ng rumaragasang agos ng ilog. Kahit masakit na ang kanyang katawan ay pinilit niyang imaniobra ito para kontrolado niya ang sarili pagbagsak niya sa talon. Alam niyang talon ang dulo ng ilog na ito at mapanganib kung hindi niya makokontrol ang pagbagsak.

Ilang sandali lang ay papalapit na siya sa dulo ng ilog. Nilamon ng tunog ng rumaragasang agos ang kanyang sigaw nang tuluyan na siyang mahulog sa talon.

“Wangga, salamat at ligtas ka.” Sa labis na tuwa ay niyakap niya ang doktora.

“Nasaan si Laarni? Si Ka Nelia?”

“Iniwan ko sila sa malaking bahay. Huwag kang mag-alala, ligtas sila,” paniniguro niya kay Wangga. “Kailangan nating makaalis dito sa gitna ng ilog para mapuntahan na natin sila.”

“Paano si Regidor?”

“Malamang na nahulog na siya sa talon sa dulo nitong ilog. Sinubukan kong habulin siya kanina para iligtas pero hindi ko nagawa. Halika na, kailangan na nating makaalis rito.”

Magkahawak-kamay nilang nilangoy ang ilog at sinagasa ang malakas na agos hanggang marating nila ang pampang. Pagkatapos ay naghanap sila ng madadaanan pabalik sa malaking bahay. Kailangan nilang magmadali.

Nasa labas na ng malaking bahay sina Laarni at Yvette nang dumating sina Wangga at Ashton. Laking tuwa ng lalaki nang makita si Yvette.

“Yvette!” Hindi napigilan ni Ashton ang sarili. Mahigpit niyang niyakap ang kapatid.

“A-ash-ton…” Nangilid ang luha sa mga mata ni Yvette.

“Ligtas ka na, Yvette. Ligtas ka na.” Mas hinigpitan pa niya ang pagyakap dito.

Pagkatapos susian ang kandado sa kadenang nakagapos sa mga kamay ni Wangga ay magkasabay na silang bumaba ng bundok. Ikinadena nila ang mga kamay nina Aling Lucing, Dominador, Cleto at Simon para hindi na makatakas pa ang mga ito. Mabibilis ang kanilang paglalakad para hindi sila abutin ng malalim na gabi sa daan.

Gabi na nang makarating sila sa Baryo San Joaquin. Pansamantalang ikinulong ni Kapitan Celso sa barangay hall ang mga bihag. Ginamot ni Wangga ang daplis ng bala sa balikat ni Ashton. Doon na rin niya pinatulog sa health center sina Ashton at Yvette, pati na rin si Laarni.

Kinabukasan ay mabilis na kumalat sa buong baryo ang nangyari. Inasikaso kaagad ni Kapitan Celso ang pagsasampa ng kaso kina Dominador at Regidor kasama ang ina ng mga ito at ang kasabwat na sina Cleto at Simon. Sinamahan ni Ashton si Kapitan para magsampa rin ng kaso para sa pagdukot ng mga ito kay Yvette.

Nang maisampa ang kaso ay nagpaalam si Ashton kina Kapitan Celso at Wangga.

“Kailangang madala ko agad sa Maynila ang kapatid ko para mapatingnan sa espesyalista,” aniya.

“Ipapahatid ko na kayo sa mga tanod. Gusto kong masiguro ang inyong kaligtasan,” nakangiting sabi ni Kapitan.

“Sasama ako sa inyo,” biglang sabi ni Wangga. Bumaling siya kay Kapitan. “Babalik din ako, Kapitan Celso. Gusto ko lang sanang magpahinga ng ilang araw.”

Tumango si Kapitan. “Nauunawaan kita, Dra. Wangga. Hihintayin ng buong baryo ang pagbabalik mo.”

“Bumalik ka agad, Doktora,” nangingilid ang luhang sabi ni Laarni.

Nilapitan niya ito at niyakap nang mahigpit.

Malungkot ang buong baryo sa pag-alis nina Wangga, Ashton at Yvette.

PAGKALIPAS NG limang araw ay natagpuan sa malayong bahagi ng ilog ang bangkay ng isang lalaki. Nag-uumpisa na itong maagnas at hindi na makilala ang mukha. Lumobo na rin ang katawan nito. Nang makita ni Ka Nelia ang bangkay, kinumpirma niyang si Regidor ang lalaki dahil sa suot nitong polo at pantalon. Sumang-ayon dito si Kapitan Celso dahil alam niyang iyon nga ang suot ni Regidor noong araw na sumugod ang grupo ni Wangga sa malaking bahay. Maging si Laarni ay kinilalang si Regidor nga ang bangkay. May suot ding relo ang bangkay at nakilala ni Aling Lucing ang relo ng anak nang dalhin ito ni Kapitan Celso sa presinto kung saan siya nakakulong.

Patay na si Regidor Almanzor. Sa wakas, matatahimik na ang Baryo San Joaquin.

MAYNILA

Dinalaw ni Wangga sina Ashton at Yvette sa bahay ng magkapatid.

“Kumusta si Yvette?” agad niyang tanong.

“Okay naman. Nasa kuwarto, natutulog.”

“Ahh… Mabuti kung ganoon. Siyanga pala, babalik na ako sa baryo. Sapat na siguro ’yong pahinga ko. Nakapagpa-check up na rin ako at okay naman ang resulta. Nabugbog lang ako sa dalas ng pagbagsak ko kaya nananakit ang katawan ko. Pero the doctor guaranteed that I am perfectly okay,” pagbabalita ni Wangga.

“Talaga bang gusto mo pang bumalik doon?”

Ngumiti ang dalaga. “Kung noon nga na may halimaw na pumapatay sa baryo, hindi ko iniwan ang trabaho ko roon. Ngayon pa ba? Eh, tahimik na ang Baryo San Joaquin. Tinawagan ka rin ni Kapitan Celso para ibalitang nakita na ang bangkay ni Regidor, ’di ba?”

“Kung sabagay…”

“Tatapusin ko lang ang isang taon—” Hindi na niya natapos ang sasabihin.

“Aaaahhhhhhh!!!”

“Si Yvette!” Mabilis na napatakbo si Ashton sa silid ng kapatid. Si Wangga ay napasunod na rin.

“Yvette, anong nangyari?” Naabutan nilang nakaupo ito sa kama. Takot na takot at pawis na pawis. Nilapitan ito ni Ashton.

“Si Regidor… Kukunin ako ni Regidor!” umiiyak na sigaw nito.

“Shhh… Tahan na.” Niyakap ni Ashton ang kapatid. “Wala na si Regidor. Patay na siya. Wala ka nang dapat ikatakot.”

Lumapit na rin si Wangga at umupo sa gilid ng kama. Hinagod ng kamay niya ang mahabang buhok ni Yvette. “Huwag ka nang matakot, Yvette. Wala na ang halimaw sa Baryo San Joaquin. Wala na…”

The End

Readers say…

Gusto ko lang pasalamatan ang lahat ng mga nagbasa at nagbabasa ng kuwentong ito at iyong mga hindi nagsasawang mag-vote at mag-comment.

Maliban sa comments na “bitin!” at “please update”, eto pa ang ibang comments ng readers.

readers121518 I love this story!

JudeEternity Congrats!

aizajun Nice ending…

potatochips06 Wow! Kudos, author! Mami-miss ko ang panghuhula sa story mo kung sino ba talaga ’yung halimaw. Sana may book two pa ’toh. Keep up the good work.

magbmara Congrats po sa pagtatapos ng isang napakagandang istorya. Mami-miss ko ang paghula kung sino ang halimaw. More power po, Sir Author!

gracedayrit1068 Congrats sa napakagandang istoryang ito. Sana ’wag kang magsawang magsulat pa!

greatfairy Another book finished! Congrats, kuya! Can’t wait to finish mine, too. Hehe. Ang sarap sa feeling na makatapos ng isang nobela. So happy for you.

geraldineroxas25 Thanks sa magandang ending. God bless!

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Ang Halimaw sa Baryo San Joaquin)

M A Y   M A G B A B A L I K ! ! !

“Pssst!”

Biglang nagmulat ng kanyang mga mata si Yvette. Saglit niyang pinakiramdaman ang paligid.

Madilim sa kanyang silid at tanging liwanag ng buwan lang na naglalagos sa bintana ang tumatanglaw sa kanya.

“Pssst…”

Napabalikwas ng bangon si Yvette. Kumakabog na ang kanyang dibdib sa matinding kabang kanyang nararamdaman.

Naging malikot ang kanyang mga mata. Nandito lang ang may-ari ng boses na iyon na sumisitsit sa kanya.

Gusto niyang sumigaw pero tila nalunok niya ang kanyang dila kaya walang tinig ang lumalabas sa kanyang bibig.

“Pssst!”

Nilingon ni Yvette ang sulok ng silid sa bandang kaliwang bahagi nito.

Bumalot ang sindak sa buo niyang pagkatao nang tamaan ng liwanag ng buwan ang may-ari ng mga sitsit!

A B A N G A N ! ! !

ARANNIK TRIVIA

ARANNIK TRIVIA

  1. Biglaan lang nang maisip ko ang plot ng kuwento habang ka-chat ko ang isang makulit na Wattpad reader/writer na marunong ding gumawa ng book cover.

  2. Muntik ko nang hindi matapos isulat ang nobelang ito dahil pagkatapos kong i-post sa Wattpad ang Chapters 1 and 2, tatlong buwan akong hindi nag-update at nakalimutan ko na kung ano ang magiging takbo ng kuwento.

  3. Nang mag-update na ako after 3 months, sunod-sunod na ang update ko at natapos ko kaagad ang kuwento. Mabilis na ’yon kung ikukumpara sa mga ongoing stories ko na tinubuan na ng lumot sa tagal ng pagiging ongoing.

  4. Three months after kong matapos ang kuwento, ipinasa ko ito for evaluation at makalipas lang ang dalawang linggo ay na-approve ito ng VRJ Books (Viva Books Publishing) para i-publish.

  5. Isang araw after ng birthday ko, pumirma ako ng kontrata sa VRJ Books at natanggap ko ang tseke bilang downpayment sa book ko.

  6. Kinailangan kong palitan ang title ng book ko dahil may naunang lumabas sa bookstore na halos kapareho ng title ng book ko.

  7. Nahirapan akong mag-isip ng bagong title at umabot ng mahigit 15 titles ang naipasa ko sa editor bago nagkaroon ng panibagong title ang book ko.

  8. Walang inalis na scenes mula sa ipinasa kong original manuscript. Ang totoo, nadagdagan pa ng mga bagong eksena dahil pinalawig namin ang back stories ng ibang characters.

  9. Noong 1960, naimbento ang salitang cyborg mula sa mga salitang Cybernetic Organism. Sa libro ko, may isang bagong salita akong ipinakilala bilang katawagan sa dalawang karakter na may mahalagang papel sa kuwento.

  10. May isang tauhan sa kuwento na ang pangalan ay galing sa isang reader na nabuwisit sa akin dahil ongoing pa lang ang story. Nagalit ang loko at nag-comment na hindi daw ako dapat mag-post ng story na hindi pa tapos. Dahil doon, isang mabilisang update ang sinulat ko at ginawa ko siyang instant character sa kuwento. Binigyan ko siya ng isang napakagandang highlight scene kung paano ginutay-gutay ng halimaw ang kanyang katawan.

BILI NA KAYO NG LIBRO. AVAILABLE IN LEADING BOOKSTORES NATIONWIDE!


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.