BAYAD UTANG
Pyhurrehunk · 1 chapter · 3,347 words
BAYAD UTANG
Alas-dos ng hapon. Ang init ng panahon, tapos ang init din ng ulo ko. Ang mas nakakaasar? Dumating pa ’yung pinakamainit sa lahat. Hindi dahil sa itsura, kundi dahil sa galing niyang magpainit ng ulo ko.
“Bekbek… pa-utang ng coke at pancit canton na pula. Samahan mo na rin ng isang stick ng Marlboro.”
Pucha, mga day! Kabisado ko na ’yung linya. Parang ringtone na paulit-ulit sa utak ko.
“Abel, ’wag mo akong tinatawag na parang close tayo.”
“Grabe ka naman. Limang buwan na akong suki rito. Hindi pa ba ’yun counted sa pagiging close?”
May pakindat pang pahabol ang may kabilugan niyang mga mata. Nakakabanas!
“Utang mo ’yung counted. Umabot na ng tatlong pahina sa notebook. Suki ka na nga talaga ng pasakit sa ulo ko.”
Ngumisi siya nang pabebe. Gusto ko tuloy siyang batuhin ng candy, pero sayang kasi tinda ko rin ’yon. Umupo siya sa plastic na bangko sa tapat ng tindahan, parang siya na lang ang may-ari nitong sari-sari store ko.
“Alam mo, Bekbek,” sabay hawak sa coke na binigay ko kahit wala siyang bayad, “wala pa ring tatalo sa tindahan mo. May softdrinks, may yosi, may Ligo sardines, at may pinakamaganda na tindera sa buong barangay.”
“Flatterer ka na naman. Wala ’yan sa resibo.”
“Wala nga. Pero nasa puso ko.”
Napatingin ako sa kanya. Baka sakaling may masabi siyang matino. Wala, mga day. Ngingiti lang siya, ’yung ngiti niyang nakakaasar!
’Di naman siya sobrang guwapo, pero may hatak. ’Yung tipong Pinoy na Pinoy, medyo maitim, pero may sariling yabang na hindi ko alam kung nakakainis ba o… nakakaaliw?
“Abel, anong ginagawa mo talaga dito araw-araw? Wala ka bang bahay?”
“Meron naman… pero mas magaan dito. Mas masaya, at saka… andito ka.”
Nagtaas ako ng kilay. “Puwede bang sa susunod, bayad muna bago banat?”
“Grabe ka naman, Bekbek. Heartless!”
“Hindi ako heartless. Marami lang akong mas mahalagang isipin kaysa sa pa-cute mong mukha.”
“So ibig sabihin, cute ako?”
Nalaglag ang ballpen ko. Gusto kong sabunutan yung sarili ko.
“Abel. Pwede bang umorder ka lang, tapos umalis ka agad?”
“Ayoko, Bek. Masarap kang tingnan habang naiinis. Parang aso na gutom.”
“Wow, salamat ha.”
“’Wag ka magalit. Cute ka namang aso. ’Yung parang may pulgas pero mahal pa rin.”
Hindi ko alam kung paano ko siya titiisin. Pero araw-araw nandito siya. Araw-araw, nauubos pasensya ko. Pero araw-araw, inaabangan ko rin siyang tumambay.
Nakakainis pero nakakakilig. Basta nakakalito at nakakaasar din minsan.
Kinagabihan, sarado na ang tindahan. Akala ko wala na siya, pero eto siya, nakaupo sa harap, nakasandal sa haligi, may tinapay sa kamay at isang sako ng kwento sa bunganga.
“Alam mo, Bekbek,” sabi niya, “kung isa akong paninda, matagal mo na akong binili.”
“Wala akong balak bumili ng gulo.”
“Eh, bakit araw-araw mo pa rin akong pinapansin?”
“Kasi istorbo ka.”
“Eh baka crush mo na ako, no?”
Hindi ko siya sinagot. Pero may kakaiba ng kabog ang dibdib ko. At ’yon ang problema.
Isa na namang hapon. Tahimik saka maaliwalas ang panahon. Ang sarap sana matulog. Pero siyempre, hindi kompleto ang araw ko, kung walang abala sa bintana ng tindahan ko.
Nakasabit ang siko niya sa lumang counter. May bubblegum sa bibig, may ngiti sa mukha, at may mukha ng taong walang ibang gagawin kundi asarin ako hanggang mawalan ng bait.
“Bekbek, wala ka bang libreng sample ng pagmamahal diyan?”
“Meron pero expired na. Katulad ng pasensya ko sa’yo.”
“Kahit expired, lalafangin ko. Basta galing sa’yo.”
Umikot ang mga mata ko. Kung may piso ’to kada bola niya ng banat, siguro napuno na ’yung garapon ng snowbear sa estante.
Hanggang sa biglang umambon.
Umambon ng banat, tas biglang literal na ambon.
Hindi pa ako nakakaisip ng comeback sa kaululan niya, nang biglang bumuhos nang malakas ang ulan.
Hindi lang ambon kundi, ’yung klase ng ulan na parang may galit. ’Yung tipong isang segundo ka lang sa labas, mukha ka nang nilabhan ng tadhana.
“Ay, ulan!” sigaw ni Abel, tumakbo papasok sa tindahan.
“Uy, ’wag kang tumakbo rito. Baka matapakan mo pa ’yung sako ng bigas!”
Wala na. Late na, mga day.
Nasa loob na siya ng tindahan, pero parang binaha pa rin ako ng inis.
“Tingnan mo ’yan! Nabasa mo na lahat ng cartolina at manila paper!”
“At least ’di ako nabasa ng feelings ko para sa’yo. Buhay pa rin, oh!” sabay kindat.
“Puwede ka bang… umupo na lang?”
Umupo siya sa sahig na semento, basa pa ang buhok, may patak pa ng ulan sa pilikmata. Para siyang tuta na nahulog sa kanal.
Tahimik kami ng ilang minuto. Ulan lang ang maririnig. Pansin ko ang tahimik niyang pagngiti habang pinupunasan ang braso niya ng panyo.
“Alam mo, Bek,” sabay tingin sa akin, “kaya siguro araw-araw akong nandito sa tindahan mo…”
“Kasi wala kang ibang mapuntahan?” putol ko.
“Kasi… dito lang ako masaya.”
Napatingin ako sa kanya. Hindi ’yung kindat-asar niya ang sumalubong sa’kin. Hindi ’yung kulit-lambing, kundi iba. Seryoso siya.
Umuulan pa rin sa labas, pero parang mas malakas ang sumunod na katahimikan dahil sa sinabi niya.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko, pero bigla akong tumayo, kinuha ’yung tuwalya sa likod ng pinto, at inabot sa kanya.
“Abel…”
“Hmm?” tumingin siya, nagulat sa bigay ko.
“’Bawal ka magkasakit. Utangin mo pa lahat ng gamot.”
Tumawa siya, ’yung paborito kong tawa niya na parang bata na nakaiskor ng kendi.
“Aba, Bek. Concerned ka sa akin?”
“Concerned ako sa utang mo.”
“Ako rin naman… concern sa puso mo.”
“Abel.”
“Oh?”
“Isasampal ko sa’yo ’yang tuwalya.”
“Sige. Basta ikaw ang magpunas.”
Nagtagal pa ang ulan. Umupo ako sa loob, siya sa gilid ko. Tahimik lang, pero hindi awkward.
Hindi ko man aminin, pero sa bawat patak ng ulan, may patak rin ng… kilig. Tangina, mga day. Baka lamig lang.
Kinabukasan, akala ko tapos na ’yung ulan. Tapos na ’yung banat. Tapos na rin ’yung kilig.
Pero si Abel? Mas consistent pa sa 3-in-1 kong kape.
Nasa harap na naman siya ng tindahan, pero ngayon may dalang lugaw na nasa plastic container.
“Uy, Bekbek! Para sa’yo ’to! Lugaw para sa mainit mong ulo!” sabay ngisi.
“Sigurado ka bang lugaw ’yan? Baka may halo ng kabaliwan mo.”
“Ay, hindi. May extra pa akong asukal para sa’yo, kasi ang tapang mo, kailangan mo ng pampatamis.”
Napatingin ako sa kanya. Takte! Lugaw lang ’to. Pero bakit parang pinakain niya ako ng feelings?
“Bakit mo ’to ginagawa?”
“Ano?”
“’Yung… ’to. Araw-araw kang nandito. Hindi mo naman ako kaibigan.”
“Di pa. Pero gusto kitang maging kaibigan.”
Tumigil ako. Parang may bumara sa lalamunan ko. Hindi dahil sa lugaw. Hindi ko pa nga kinakain, eh.
“Alam mong suplada ako, diba?”
“Oo. Pero gusto ko pa rin.”
“Bakit?”
“Kasi kahit suplada ka… tinatanggap mo pa rin ako dito, araw-araw. Kahit utang ako nang utang sa’yo. Kahit bola lang ’yung pambayad ko minsan. Kahit…” ngumiti siya, “…kahit ang totoo, gusto lang talaga kitang makita.”
Putek, mga day! Umuulan na naman. Hindi sa labas. Sa loob ng dibdib ko.
Umupo ako sa bangkito, at kumain. Tahimik lang.
“Masarap ’to.” sabi ko.
“Siyempre. Pinaghirapan ko ’yan. Tinimplahan ko ng lambing.”
“Kaya pala may aftertaste ng kapilyuhan.”
Tumawa siya. ’Yung tipong wala siyang pake kung may dumaraan na motor, kung may dumadaan na tsismosa, o kung may bumagsak na trapal ng kapitbahay.
Masaya siya basta nandito siya. Basta kasama niya ako. At ang pinaka-nakakainis sa lahat? Masaya rin ako.
“Abel,” tawag ko habang kumakain.
“Hmm?”
“Wag kang masyadong ganyan.”
“Ganyan alin?”
“Masaya saka malapit.”
“Bakit?”
“Kasi… baka masanay ako.”
Tumigil siya. Nginitian lang ako.
“Eh ’di masanay ka.”
Sabay tumayo, tumalikod, at lakad palayo. Bago pa siya makalabas sa harap ng tindahan, “Bukas ulit, Bek.”
Tapos nag-wave pa.
Tatlong araw ang lumipas, pero wala pa ring anino ni Abel na nagpakita dito sa tindahan. Tatlong araw na ring hindi nabubuksan ang kwaderno ng utang. Tatlong araw na ring wala akong naririnig na, “Bekbek! Pa-tingin nga ng mukha mo, miss ko na asar mo!”
Tahimik ang tindahan ngayon. May bumibili pa rin, oo. May mga batang nagpapaload, may mga tricycle driver na sumisigaw ng “Isang yosi nga d’yan!” Pero kahit gano’n kaingay sa labas, parang may kulob sa loob ko.
Parang hindi lang siya nawala sa harap ng tindahan. Parang may nawala sa loob ko.
Kanina, patawang nagsabi si Aling Tinay habang bumibili ng tinapay,“Uy, Bek, hindi na nagpaparamdam ’yung suitor mo, ha? “
Napangisi ako nang pilit.
“Baka nainis sa’kin. Hindi ko kasi pinayagang magsaing dito.”
“Eh, baka naman minalditahan mo masyado. O baka… may masamang nangyari?”
Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko, pero parang may kumurot.
Masakit ’pag sinabing baka may masamang nangyari sa kaniya.
Pagbalik ko sa loob, kinuha ko ’yung ledger ng utang. Wala akong balak maningil, pero… ewan. Hinanap ko lang ang pangalan niya. Gusto ko lang makita na totoo siya. Na dumaan siya dito.
“Abel: Coke mismo, Piattos, Skyflakes… bayad sa ngiti.”
Siya ang naglista ng mga ’to. Ang kulit pa rin ng sulat niya. Pero ang sunod na linya?
“…at sa isang bagay na hindi ko mababayaran kahit kailan.”
Natigilan ako.
Parang ang gaan-gaan ng tono, pero ang bigat bigla ng kahulugan. Parang may ibig sabihin na hindi ko agad naintindihan. Parang may itinatago.
Umupo ako sa bangkito. Wala namang ulan, pero malamig. Wala namang musika, pero may lungkot. ’Yung hindi ko maipaliwanag na hinahanap ’yung isang tao… kasi nakasanayan ko na siyang nandiyan.
Gabi na. Sarado na ang tindahan. Ilaw lang ng streetlamp ang sumisilip sa trapal.
Tahimik pero ang ingay ng mga tanong sa ulo ko.
“Bakit hindi siya nagpaalam?”
“May nangyari ba?”
“O baka… ayaw na niya talagang bumalik sa tindahan ko?”
Gusto kong isipin na trip lang niya ’to. Gusto kong maniwalang lalabas siya ulit mula sa sulok ng kalsada, dala-dala ’yung paborito niyang banana chips, sabay sigaw ng,“Bekbek! Pautang ng pansin mo!”
Pero hanggang ngayon, trapal lang ang gumagalaw. Hangin lang ang kasama ko.
Abel, nasan ka?
Biyernes.
Wala akong inaasahan. Wala na rin akong hinahanap.
Hindi ko naman aminin ’yon nang diretsahan. Pero, nasaktan ako nung bigla siyang nawala.
Kaya ngayong umaga, habang nag-aayos ako ng panindang kape’t sardinas, wala akong kaabog-abog na inasahan na…
“Beeeek! Pautang ng tatlong araw na yakap!”
Nalaglag ’yung isang lata ng Ligo sa kamay ko. Tumingin ako sa harap ng tindahan.
Nando’n si Abel. Naka-itim na hoodie, may dala-dalang puting bag, at nakangiti pa rin na parang walang tatlong araw na lumipas. Parang hindi niya ako iniwang nag-iisip.
“’Di ba sabi ko sa’yo, babalik ako para kolektahin ’yung utang mong atensyon?” sabay ngisi. “Sabi ko nga, ako ’yung supplier ng kilig dito, eh.”
Tahimik ako.
Pero kita ko agad. May bago sa kaniya.
Oo, nakangiti siya. Pero may lungkot sa gilid ng mata. ’Yung ngiting pinilit, pero hindi naabot ’yung kilay. Yung parang masaya siya… pero hindi talaga.
“Aba, na-miss mo ’ko no? Aminin!”
“Hindi.”
“Wala ka ngang suklay, oh. Ako lang talaga nag-iinspire sa’yo maligo.”
“Anong nangyari? Saan ka nagpunta?” tanong ko, hindi ko na matiis.
Napahinto siya. Sandali lang ’yon. Siguro tatlong segundo. Pero sapat na para mahuli ko ’yung bahagyang pagpitlag ng ngiti niya, ’yung saglit na paglayo ng tingin. Parang may tinamaan ’yung tanong ko. May laman. May bigat na pilit niyang tinatago sa likod ng pabirong mukha.
“May… inayos lang sa bahay. Emergency, pero ayos na.”
“Sure ka?”
“Oo naman. Ako pa ba? Eh ’di ba, ako ang hari ng pabibo sa tindahan mo?”
Ngumiti siya ulit. Pero ramdam ko na hindi siya buo.
Umupo siya sa paborito niyang bangkito. Binuksan ’yung bag. Inilabas ’yung cellphone niya.
“Abel, may problema ba talaga?”
Tahimik siya. Tumingin sa akin. Sandali lang, pero ramdam ko ’yung bigat sa pagitan naming dalawa.
“Wala, Bek. Wala… na dapat alalahanin.”
Tumingin ako sa kanya. Gusto kong tanungin pa. Gusto kong pilitin siya. Pero sa ngiti niya parang may pakiusap.
Kaya naupo na lang ako sa tapat niya. Umorder siya ng coke. Pero ngayon, hindi utang, kundi bayad.
Tahimik kaming dalawa. Pero sa loob ko… may bagyo. At sa ngiti niyang ’yon, sigurado ako, may tinatago si Abel.
At hindi ko alam kung anong mas masakit. ’Yung biglang nawala siya… o ’yung bumalik siya na parang hindi na siya.
Simula ’nung bumalik si Abel, araw-araw na ulit siya sa tindahan. Parang walang nangyari. Parang hindi siya biglaang nawala. Pero ako, alam kong may nagbago.
Tahimik lang, pero ramdam ko.
Dati, alas-diyes na ng gabi kung umuwi si Abel. Minsan nga ako pa nauuna.
Ngayon? Alas-sais pa lang, naglalakad na siya palayo.
“Ang aga mo yata uuwi ngayon?” tanong ko isang gabi.
“Oo, eh, baka hanapin ako sa bahay,” sabay ngiti.
’Yung ngiti niya… hindi na gaya ng dati. Parang pilit. Parang ’di buo.
May isang beses, inabutan ko siya ng isang stick ng yosi. Hindi niya sinindihan. Nakatingin lang siya doon.
“Hindi mo ba sisindihan ’yan?” tanong ko.
“Hindi. Gusto ko lang maramdaman na may hawak pa ako.”
Tahimik. Parang ’di naman tungkol sa yosi ang sinasabi niya.
Minsan habang inaayos niya ang mga bote ng softdrinks sa gilid ng tindahan, napahinto siya, tapos sabi niya, “Ang dami mo na palang gamit dito na wala namang silbi, noh?”
“Bakit, may reklamo ka?” biro ko.
“Wala. Na-realize ko lang… minsan, para ring ako ang mga gamit dito. Naiipon lang, pero hindi mo alam kung kailan mo pa magagamit o kung kailangan pa talaga.”
Tumawa siya. Ako, hindi. Kasi para bang… sinasabi niyang wala na siyang silbi.
Nang gabing ’yon, siya pa mismo ang nagkwenta at nagbayad ng mga utang niya.
“Coke mismo, dose . Chocnut, siyete. Skyflakes, otso. Piattos, katorse. Total: kwarenta’y uno.”
Nilapag niya ’yung dalawang bente at isang piso.
“Magbayad ka?” tanong ko, nagtataka.
“Oo. Para kung sakaling… mawala ulit ako, wala na akong iiwan na utang sa’yo.”
Sabay tawa. Pero hindi ako natawa.
“Wala akong pake sa bayad mo, Abel.”
“Alam ko. Pero ako, meron. Gusto ko lang siguraduhin na wala na akong utang sa ’yo.”
Hindi ko alam kung gusto kong sapakin siya o yakapin. Pero sabi ko na lang, “Ano ba talaga? May tinatago ka ba?”
Tahimik siya. Tumingin lang sa akin nang seryoso.
“Bek…” bulong niya. “Kung sakaling umalis ako, mami-miss mo ba ako?”
Hindi ako nakasagot. Kasi ang totoo, oo. Pero natatakot akong aminin. Kasi baka pag sinabi ko, mas lalo siyang umalis.
Ilang araw ko na ring napapansin. Hindi na siya tumatakbo sa pagsalo ng Coke sakto sa hagis ko. Hindi na rin siya tumatawa gaya ng dati. Madalas, hinihingal siya kahit sandaling lakad lang.
“Lika nga dito, Abel. Bakit parang nanginginig ’yung kamay mo?”
“Giniginaw lang. Arte mo, Bek, baka concerned ka lang talaga, eh.” Sabay kindat.
Nginitian ko siya pabalik, pero may mabigat na bumagsak sa sikmura ko.
Concerned nga ako. Pero mas takot ako.
Sa gabi na ’yon, iniwan niya ’yung paborito niyang itim na hoodie sa ibabaw ng crates ng softdrinks.
“Oh, bakit mo iniwan ’to?”
“Sayo na muna. Para naman may maalala ka ’pag ’di na ako bumisita.”
Tumawa siya nang malutong. Pero… basag. Pagkatapos ’nun, pareho kaming natahimik.
“Abel, totoo ba? May sakit ka?”
Hindi siya sumagot agad. Tumingin lang siya sa akin nang matagal.
“Huwag mo nang alamin lahat, Bek. Mas okay kung galit ka, kaysa naaawa.”
“Ulol. Hindi ako naaawa sa’yo.”
“Eh, ano?”
“Bahala ka nga sa buhay mo.”
Tumalikod siya. Pero bago tuluyang lamunin ng dilim. Lumingon siya pabalik saka ngumiti sa’kin.
Nagbilang ako ng araw.
Una… absent.
Pangalawa… siguro may lakad.
Pangatlo… baka lang busy.
Pang-apat… hindi pa rin dumating.
Panglima… naiwan pa rin ’yung hoodie niya dito.
Naubos na ang dalawang pack ng Skyflakes, wala pa ring Abel na umuutang.
Tahimik ang hapon, tahimik ang gabi. Tapos, bigla, tumigil ang mundo sa paligid ko.
Isang umaga, may dumaan na tricycle. Bitbit ang tatlong basket ng bulaklak, puti ang kulay.
Tanong ni Aling Terry habang nagpapa-load, “Nabalitaan mo na ba?”
Hindi ako nakasagot. Ang dami kong gustong sabihin, pero ang dila ko, parang nanigas.
“’Yung anak ni Mang Isko, ’yung laging nasa tindahan mo, si Abel. Wala na raw.”
Parang binuhusan ng tubig ang katawan ko. Pero hindi malamig. Hindi rin mainit.
Basta, wala na akong maramdaman.
Kinagabihan, nandoon pa rin ’yung hoodie niya sa ibabaw ng crates.
Hindi ko na niligpit.
Sa halip, binuksan ko ’yung lumang ledger ng utang.
Page 1… “Abel - Coke, Chocnut, Skyflakes, Piattos, Pancit canton, Marlboro.”
Mga entry niya. Tawa siya nang tawa noon habang naglilista habang ako naiirita.
Ngayon, ako na lang ang tahimik.
Nakatitig ako sa sulat-kamay niya na magulo at pa-cute, pero buhay. Mas buhay pa kaysa sa akin ngayon.
Kinabukasan, walang bumibili. Walang nambubuwisit. Walang nagbibiro.
Nakahawak pa rin ako sa notebook, hindi ko na mabuksan ang bagong pahina.
Kasi ’yung pangalan niya…gusto kong manatili doon… kahit wala na siya.
Isang linggo matapos ang burol. Tahimik ang tindahan. Wala pa ring bumibili ng piattos. Wala pa ring nagbiro. Wala pa ring nambwisit.
Naglinis ako ng lumang ledger na may lamang utang. Doon ko lang napansin, sa likod ng huling pahina, may nakasingit.
Isang tuping papel. Pamilyar ang sulat kamay na magulo at pa-cute. Si Abel.
Bek,
Alam kong maiinis ka. ’Wag ka.
Ayoko na sanang sabihin. Pero siguro, may karapatan ka rin malaman.
May sakit ako sa puso. Hindi heartbreak. Literal. Sabi ng doktor, delikado, bawal mapagod, bawal kabahan masyado, bawal… ang dami.
Pero hindi ko pinansin. Kasi gusto kong maranasan ’yung may inaabangan ako araw-araw.’Yung tipong may matanda sa tindahan na puro irap at mura sa tingin, pero hindi ako tinataboy. Gusto kong manatili kahit alam kong… may hangganan ako.
Salamat. Kasi kahit nairita ka, hindi mo ako pinalayas.
Salamat kasi kahit suplada ka, pinatuloy mo ako ’nung umuulan.
Pasensya na. Hindi ako nagpaalam. Takot ako.
Pero sana, ’pag naalala mo ’ko… kahit kaunti…mapangiti ka.
Ayoko ng luha. Gusto ko ’yung tawa lang. Tulad ng ginagawa ko kahit nilalamon na ako ng takot sa loob.
Sa susunod na tumingin ka sa ledger na ’yan…isipin mo hindi utang ’yan.
Alaala.
Salamat, Bek. Salamat sa pagpapautang sa ’kin ng sandaling kaligayahan. Sa bawat sandaling kasama kita, ramdam ko ’yung saya na akala ko, ’di ko na maramdaman. Yung mga ngiti ko, yung tawa ko…lahat ’yan dahil sa’yo. At totoo lang, ’yun ang utang na kailanman ’di ko kayang bayaran.
Higit sa lahat, hindi ko man masabi sa’yo nang direkta, kasi natatakot akong baka lumayo ka… pero mahal kita, Bek. Sa bawat pintig ng puso kong pagod at naghihingalo, ikaw ang tinitibok nito.
-Abel
(P.S. ’Wag mong itapon at labhan’yung hoodie ko. May pabango pa ’ko diyan.)
Umaga.
Maulap ang langit, at banayad ang hanging dumadampi sa mukha ko.
Nakaluhod ako sa harap ng puntod ni Abel. Simple lang ang lapida. Walang engrandeng bulaklak, walang palamuti.
Tahimik ang paligid.
Isa-isa kong inilabas mula sa dala kong paper bag ang laman nito.
Coke…
Chocnut…
Skyflakes…
Piattos…
Mga paborito niya. Mga inuutang niya sa tindahan. Mga alaala ng isang tao na ang gulo-gulo pero minahal ko pa rin nang buo.
Hawak ko ang ledger. Suot ko pa rin ’yung hoodie ni Abel…’yung paborito niyang ayaw na ayaw niyang pinapalabhan. Amoy pa rin niya. At kahit ilang linggo na ang lumipas, hindi ko pa rin magawang alisin ’to sa katawan ko.
Wala akong luha. Pero hindi ibig sabihin no’n na wala akong nararamdaman. Hindi. Mas totoo yata ’yung sakit kapag tahimik. Kapag wala ka nang mailuha kasi ubos ka na.
“Abel, gago ka talaga,” bulong ko, sabay tawa. Malutong, oo. Pero basag at wasak.
Tumingala ako sa langit. Tapos ibinalik ang tingin sa lapida niya.
“Ikaw pa rin ang pinaka-magulong costumer na hindi ko kayang palayasin.”
Umihip ang hangin. Sandaling bumukas ang pahina ng lumang ledger sa kandungan ko. Doon sa pahinang may pangalan niya, gumuhit ang isang patak ng ulan. O baka luha ko. Hindi ko na alam.
“Alam mo kung bakit?” bulong ko.
“Kasi kahit wala ka na… araw-araw pa rin kitang inaabangan.”
Sinipat ko ulit ng tingin ang ledger. Sa huling pahina, isinulat ko…
Abel… Bayad na.
Pagkatapos noon, isinara ko na ang aking tindahan. Hindi ko alam kung kailan ko ulit bubuksan. Baka bukas. Baka hindi na.
Author’s Note: If you like reading the story, follow me for more.

