"Booking"
vincentmanrique · 6 chapters · 4,554 words
“Booking”
“Ang binatang nagigipit…
sa bisexual kumakapit.“
Author’s
Note:
I do not own the picture used in the book cover. Credit goes to the owner.
NO COPYRIGHT INFRINGEMENT INTENDED.
1
RAMDAM na ramdam na sa kapaligiran ang paparating na araw ng kapaskuhan. Marami ng makukulay na ilaw ang nakapalamuti sa mga bahay-bahay. Ang mga Christmas song ay paborito nang patugutugin sa mga mall at maging sa radio stations. Kahit ang malamig na simoy ng hangin ay nagpapaalalang malapit na nga talaga ang pasko. At kung gaano ka-excited ang ibang tao na i-celebrate ang pasko, ganoon din ang nadarama ni Henry. Sa araw ng pasko kasi ay first anniversary din nila ni Aaron. Parang kailan lang noong nagkakilala sila. Wala sa hinagap niyang magiging boyfriend niya si Aaron. Paano mo ba naman iisipin na ang isang lalaking binayaran mo para sa isang gabing pagtatalik ay magkakaroon pala ng malaking bahagi sa iyong buhay? Natatandaan pa nga niya kung paano sila nagkakilala kahit mahigit isang taon na ang nakalilipas.
Kalalabas lang niya nang hapong iyon sa opisina. Malakas ang ulan at siguradong mahihirapan siyang makasakay pauwi. Kung bakit ba naman kapag umuulan ay parang kabuteng naglilitawan sa kalsada ang mga pasahero samantalang kulang na kulang naman ang mga sasakyan. May mga driver kasi na umuuwi na lang at hindi na pumapasada kapag bumuhos ang malakas na ulan dahil ayaw nilang abutin lang sila ng masikip na daloy ng trapiko sa kalsada. Kaya ang mga estudyante, mga empleyado at iba pang naabutan ng ulan sa kalye ang tiyak na magdurusa. Kapag minalas, malamang na hatinggabi na sila makauuwi.
Naisipan ni Henry na pumunta na lang muna sa katabing mall ng kanilang opisina habang nagpapatila siya ng ulan. Titingin-tingin na lang muna siya ng kung anu-ano sa mall. Habang nag-iikot ay napagawi siya sa cinema at naengganyong manood. Eksakto, mag-uumpisa na ang palabas. Tingin naman niya ay mamaya pa hihinto ang ulan.
Maraming tao sa loob ng sinehan pero hindi naman ito puno. Ramdam niya ang lamig na nagmumula sa airconditioning unit ng sinehan. Umupo siya sa isang bakanteng silya kahit na hindi iyon ang nakasulat sa seat number sa tiket niya. Nagpapalabas na ng trailer sa screen. Hindi na mapupuno ang sinehan kaya wala naman sigurong dadating pa na may hawak ng tiket na may seat number ng inuupuan niya.
Nasa kalagitnaan na ang palabas nang makaramdam siya ng tawag ng kalikasan. Sobrang lamig kasi sa sinehan kaya naiihi na siya. Tumayo siya at nagtungo sa toilet ng sinehang iyon.
Pagpasok niya sa toilet ay naabutan niya ang tatlong lalaki sa loob. Ang dalawa ay umiihi rin sa urinal habang ang isa ay nakaharap sa malaking salamin doon at nag-aayos ng buhok. Guwapo ang lalaking nasa salamin na mala-boy next door ang tipo. Maputi ito at mukhang ang bango-bango. Bigla siyang nangarap na sana ay mayakap man lang niya ang lalaking ito. Sa katulad niyang bisexual, ganito ang tipo na parang ang sarap-sarap mahalin.
Pumuwesto siya sa isang bakanteng urinal at ibinaba ang zipper ng kanyang pantalon. Ang dalawang lalaking umiihi ay nakita niyang lumabas na ng toilet. Pero ang guwapong lalaking nananalamin ay naroon pa rin at tila ba hindi na natapos ayusin ang kanyang buhok.
Habang umiihi siya ay nakita niyang pumasok ang lalaki sa isang cubicle na nasa bandang likuran lang ng urinal kung saan siya umiihi. Hindi ito nagsara ng pinto. Patay-malisya nitong ibinaba ang suot na pantalon at tumambad ang matambok na puwetan nito na natatakpan lang ng suot nitong puting bikini briefs.
Pagkatapos umihi ni Henry ay inayos niya ang sarili at tumalikod para magtungo sa pintuan. Noon niya nakita ang guwapong lalaki sa cubicle na nakaharap na sa kanya at marahang hinihimas ang harapan nito. Hindi siya nakakilos. Kahit gusto niyang lumabas na ng toilet ay hindi na humakbang ang kanyang mga paa. Napako na siya sa kinatatayuan niya. Biglang nag-init ang kanina lang ay giniginaw niyang pakiramdam. Kitang-kita niya ang kakaibang libog sa mukha ng guwapong lalaki. Kasabay ng ginagawa nito ay malanding pinaiikot nito ang dila sa sariling mga labi. Pagkatapos ay kakagatin nito ang pang-ibabang labi at saka ngingiti sa kanya.
Marahan siyang sinenyasan ng lalaki para pumasok sa loob ng cubicle. Napalunok siya. Gusto niyang lumapit dito pero nagdadalawang-isip siya. Takot ba siya? Nahihiya?
Nagpasya siyang magtungo sa harap ng salamin. Naghugas siya ng kamay sa washbasin at saka sinipat ang sariling repleksyon sa salamin.
Lumabas sa cubicle ang guwapong lalaki at tumabi sa kanya sa harap ng salamin. Para silang mga modelo roon na nagpapagandahan ng tindig at itsura. Hindi naman siya magpapatalo sa guwapong lalaking ito kung porma at itsura lang ang labanan. Pareho lang silang guwapo at maganda ang katawan.
Bagay sila, naisip niya. Pero agad din niyang inalis iyon sa kanyang isipan.
“May kasama ka ba sa loob?” tanong ng lalaki habang diretso lang itong nakatingin sa salamin.
Nilingon niya ito bago siya sumagot, “Wala…”
“Gimik tayo?” Nakita niyang ngumiti ito at bahagyang inilabas ang dila.
“Anong trip mo?”
“Nagpapabayad ako… ngayon lang. Medyo gipit kasi ako. Next week pa ako magkakapera.” Pinakiramdaman niya itong mabuti. Totoo ba ang sinasabi nito o nang-eechos lang?
“Estudyante ka? Ilang taon ka na ba?”
Tumango ito kasabay ang pagsagot, “Oo, estudyante. Twenty pa lang ako.”
“Wala ka nang pera pero may pambayad ka sa sine,” kaswal niyang sabi na hindi naman tonong mao-offend ang kausap.
“Mas safe kasi kung dito ako hahanap ng client kaysa sa kalye.”
“Ang sosyal mo naman. Client talaga? Ayaw mo ng booking?” natatawang tanong niya rito.
“Professional kasi ako kapag ginagawa ko ’to. Kaya client ang tawag ko. Kapag booking kasi, parang libog lang ang usapan. After ng tikiman, wala na.”
Napakunot ang noo niya. “Bakit, ’pag client ba anong meron?”
“Puwedeng ma-develop into partnership.”
“Anong partnership? Bugaw-callboy partnership?” natatawa niyang tanong. “May client na involve, eh.”
“So, ano? Gusto mo bang maging client ko?” Ang seryosong tono ng guwapong lalaki ay nag-reflect sa mukha nito.
“Magkano naman?” Para siyang mamimili na nagtatanong ng presyo ng isda sa palengke.
“2K.”
“Ang mahal, ha! Wala bang discount? Baka naman anniversary sale mo na. Pahinging discount.”
“Hindi ko naman ito madalas na ginagawa. Kapag gipit lang,” sabi nito.
“Baka naman araw-araw gipit ka? Or once a month?”
Huminga nang malalim ang lalaki. “Hindi ko naman gagawin ito kung may iba lang akong mapagkukunan.” Tumingin ito sa kanya at nagtama ang kanilang mga mata. “Pumayag ka na. Hindi ka naman lugi sa akin. Mura na ang dalawang libo, overnight naman.”
“Overnight? Sigurado ka?” Hindi siya makapaniwala. Ang alam niya, short time lang ang mga ganito. Tatlong oras. ’Pag lumagpas, parang metro ng taksi na aandar din ang oras ng callboy at siguradong tataas ang presyo. Mas mataas sa pinag-usapang presyo.
“Para lang hindi ka na tumawad. Kailangan ko lang kasi talaga ’yung pera.”
2
AYAW sana ni Henry pero nasilaw siya sa overnight na alok ng lalaki. Hindi na nga siya lugi kahit magbayad siya ng dalawang libong piso. Una, type niya talaga ito. Pangalawa, puwede niyang sulitin ang 2K sa buong magdamag. Pagsasawaan na lang niya ito para sulit ang ibabayad niya. Pangatlo, ngayon lang naman siya magbabayad kung sakali. Iisipin na lang niya na nagkawanggawa siya sa isang estudyanteng nangangailangan ng pangsuporta sa pag-aaral nito.
“Call!” nakangiting sabi niya rito. “Anong pangalan mo?”
Nagliwanag ang mukha ng guwapong lalaki. “Aaron. Ako si Aaron.”
Magkasabay silang lumabas ng sinehan. Tamang-tama, hindi na ganoon kalakas ang ulan.
“Saan tayo?” tanong ni Aaron.
“Doon na lang sa apartment ko. Mag-isa lang ako roon. Pagpasensyahan mo lang kasi maliit lang iyon, studio type.”
“Okay lang naman sa akin kahit saan.”
“Doon na lang din tayo kumain. Maghahanda na lang ako ng makakain natin,” sabi ni Henry.
Matipid na ngiti lang ang isinagot ni Aaron.
Nag-taxi na lang sila papunta sa apartment ni Henry sa Malibay, Pasay. Bahagya lang silang natrapik pero sa wakas ay narating din nila ang tinitirhan ni Henry. Studio type apartment nga iyon na may divider para bahagyang nakatago ang kama kung saan natutulog si Henry.
“Tuloy ka,” anyaya niya kay Aaron na nakasunod lang sa kanya. “Maupo ka muna riyan. Magpapalit lang ako ng damit.”
Umupo si Aaron sa sofa. Nagtungo naman si Henry sa tulugan niya at mabilis na nagpalit ng suot na damit. Pagbalik niya kay Aaron ay shorts at itim na sando na lang ang suot niya.
Binuksan niya ang telebisyon. “Manood ka muna. Maghahanda lang ako saglit ng makakain natin. Mabilis lang ’to.”
“Sige,” sagot ni Aaron kasabay ang pagtango.
Pumunta si Henry sa parteng kusina at mabilis na nagsalang ng bigas sa rice cooker. Pagkatapos ay kumuha siya ng corned beef sa cabinet. Kumuha rin siya ng patatas at sibuyas sa kanyang personal ref.
Nang matapos magluto ay tinawag niya si Aaron para makakain na sila.
“Saan ka pala nakatira? Bakit hindi ka na lang mag-working student para hindi ka napipilitang magpa-booking kapag kinakapos ka sa pera?” tanong niya kay Aaron habang kumakain sila.
“Sa Quiapo ako umuuwi,” sagot ni Aaron. “Working student naman talaga ako. Nagtatrabaho ako sa isang fast food restaurant. Hindi lang talaga magkasya para sa buong pamilya ko ang kinikita ko.”
Napanganga si Henry. “Breadwinner ka sa inyo? Ang akala ko, nasa province ang mga magulang mo at pinadadalhan ka lang ng monthly allowance. Hindi ko naisip na nandito sa Maynila ang buong pamilya mo at ikaw ang sumusuporta sa kanilang lahat. Ilan ba kayong magkakapatid?”
“Tatlo. Panganay ako. Iyong sumunod sa akin, hayskul pa lang. Elementary naman ’yong bunso.”
“Anong pinagkakaabalahan ng magulang mo?”
“Patay na ang tatay ko. Wala namang trabaho ang nanay. Nasa bahay lang, nag-aalaga sa amin ng mga kapatid ko.”
Nakadama ng awa si Henry sa kausap. Kung kanina ay gusto niyang kunin ang serbisyo nito sa kama dahil natipuhan niya ito, ngayon ay parang gusto na lang niya itong tulungan.
“Kumain ka na,” untag niya rito. “Para makatulog na tayo. Lumalalim na ang gabi.”
Nang matapos kumain ay iniligpit ni Henry ang mga natirang pagkain at hinugasan ang mga plato.
“Puwede ba akong makigamit ng banyo?” tanong ni Aaron. “Maliligo lang ako.”
“Ah, sige lang. May malinis na tuwalya sa banyo. Iyong naka-hanger. May toothbrush din diyan na hindi pa nagagamit, gamitin mo na,” sagot ni Henry habang binabanlawan ang huling platong hinuhugasan niya.
Naghubad ng suot na t-shirt at pantalon si Aaron at pumasok na sa banyo. Nang lumabas ito ay nakatapis lang ng puting tuwalya at hawak ang hinubad na brief.
Natuyo ang laway ni Henry pagkakita sa preskong itsura ni Aaron. Ilang ulit siyang napalunok sa guwapo at sariwang lalaking nasa kanyang harapan.
“Maliligo ka rin ba?” tanong nito sa kanya.
“Ah, oo. Maliligo rin ako.” Mabilis siyang kumuha ng tuwalya at pumasok na rin sa banyo.
Pagkatapos niyang maligo ay naabutan niya si Aaron na nakahiga na sa kama. Ang ibabang bahagi ng katawan nito ay natatakpan ng kumot. Nakita niyang naka-hanger na ang hinubad nitong pantalon at shirt. Iniisip niya kung nasaan kaya iyong brief na hawak nito kanina?
“Inaantok ka na ba?” tanong niya kay Aaron.
“Hindi pa. Hinihintay kita.” Bumangon ito pero nananatiling natatakpan ng kumot ang pribadong bahagi nito.
Ngumiti si Henry. “Matulog na tayo. Inaantok na ako, eh.”
Nabalot ng pagtataka ang mukha ni Aaron. “Bakit? May gagawin pa tayo, ’di ba?”
Tinanggal niya ang tuwalyang nakatapis sa kanyang baywang at nagsuot ng boxer shorts. Tapos ay umupo siya sa gilid ng kama. “Nag-decide ako na huwag nang ituloy iyong gagawin natin.”
Mas lalong nagtaka si Aaron? “Bakit? May nagawa ba akong hindi mo nagustuhan? Na-turn off ka ba sa akin? Anong nangyari?”
“Hindi naman. Huwag kang mag-panic,” natatawa niyang sagot.
“Eh, bakit nga ayaw mo na?”
“Umayaw lang ako sa gagawin natin. Pero hindi ako umaayaw sa pinag-usapan nating kabayaran. Ibibigay ko pa rin ang bayad mo. Basta samahan mo lang ako rito ngayong magdamag,” paliwanag niya. Nakita niyang tila mas lalong nagtaka ang binatang estudyante.
“Lugi ka naman yata ’pag gano’n. Hindi fair sa’yo,” halos bulong na sabi nito. Parang hinaplos ang puso niya sa sinabi nito. Sana ganito lahat ng callboy. Iniisip kahit paano ang kapakanan ng mga kostumer nila.
Sabagay, sabi naman ni Aaron na professional ito kapag ginagawa nito ang ganitong mga bagay.
Pero hindi naman ito professional callboy. Kumakapit lang ito sa patalim dahil wala na itong magawang ibang paraan.
“Huwag mo nang isipin iyon.” Tumayo siya at pinatay ang ilaw tapos ay bumalik na at humiga sa kama.
Nanatiling nakaupo pa rin sa kama si Aaron.
“Humiga ka na. Matulog na tayo,” yaya niya rito.
Napilitan itong humiga na rin sa tabi niya.
Wala silang imikan. Parang wala nang gustong magsalita.
Pinakiramdaman ni Aaron ang katabi. Tulog na yata si Henry. Kahit madilim ay pilit niyang inaninag kung natutulog na nga ito.
Tumagilid siya nang higa paharap kay Henry at bumulong, “Gising ka pa ba?”
“Gising pa ako,” sagot ni Henry. Hindi niya inakalang sasagot ito. Akala niya talaga ay tulog na si Henry.
Mabilis ang kasunod na naging pagkilos ni Aaron. Dinaganan niya si Henry at kaagad na hinalikan nang mariin sa labi.
Hindi nakakilos ang nabiglang si Henry. Hindi niya inaasahan na gagawin iyon ni Aaron. Gusto sana niyang iiwas ang sarili sa halik nito pero mapuwersa ito at hindi niya maigalaw ang kanyang ulo. Isa pa, bakit nararamdaman niyang gusto niya ang ginagawa sa kanya ni Aaron.
Gumapang ang mga labi ni Aaron patungo sa kanyang tainga at muli itong bumulong sa kanya, “Ayokong babayaran mo ako sa isang bagay na hindi ko trinabaho…”
Muling gumapang ang mga labi nito papunta sa pisngi ni Henry. Naglakbay sa leeg tapos ay muling bumalik sa labi nito. Habang lumalalim ang gabi ay napuno ng mga impit na daing at kontroladong halinghing ang maliit na apartment na iyon.
3
ANG gabing iyon ang naging simula ng pagkakaibigan nina Henry at Aaron. Pagkatapos ng gabing iyon ay nasundan pa ang kanilang pagkikita na pagtagal ay naging mas madalas pa. Pero ang mga kasunod na pagtatagpo nila ay hindi na bilang kliyente siya ni Aaron kundi bilang kaibigan na. Ang pagkakaibigan nila ay lumalim hanggang isang araw ay hindi na napigilan ni Henry na magtapat ng kanyang nararamdaman para kay Aaron. Pasko noon at kararating lang nila sa apartment niya pagkatatapos nilang magsimba at gumala sa mall.
“Gusto kita… Hindi mo kailangang sagutin. Ipinaalam ko lang sa’yo,” nahihiya niyang sabi kay Aaron. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon nito. Nang tingnan niya ito ay parang nakita niyang madilim ang mukha nito. Nagalit ba si Aaron sa sinabi niya?
Ang madilim na mukha ni Aaron ay dahan-dahang napalitan ng matipid na ngiti na unti-unti ay naging mahinang tawa na paglaon ay naging halakhak.
Pinagtatawanan ba siya ng lalaking ito?
“Anong nakakatawa sa sinabi ko?” Hindi niya alam kung mao-offend o maiinis sa reaksyon ni Aaron.
Pinilit nitong kontrolin ang paghalakhak. “Ikaw! Nakakatawa ka.”
Nagsalubong ang mga kilay niya.
“Nakakatawa ka kasi parang hiyang-hiya kang sabihin na gusto mo ako. Bakit, ikinahihiya mo ba ako?”
“Hindi!” mabilis niyang tugon. “Bakit naman kita ikahihiya?”
“Aba, malay ko. Baka ayaw mong malaman ng iba na nagkagusto ka sa akin.”
“Pumapayag ka ba na maging tayo na?” nag-aalangan niyang tanong.
“Ano sa tingin mo?” tanong din ang isinagot ni Aaron. Nang tingnan ni Henry ang mukha nito ay wala siyang mabasang sagot.
“Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo. Sinabi ko lang naman ang nararamdaman ko. Hindi ako nag-e-expect ng kahit ano.”
“Sa tingin mo ba hindi ako pumapayag?” Pilyo ang ngiti ni Aaron.
Nagliwanag ang mukha ni Henry. “Ibig bang sabihin…”
“Tayo na. Official. Walandyo, paskong-pasko mo pa ako naging jowa. Dapat double celebration tayo tuwing pasko. Pasko na, aniversary pa,” natatawa nitong sabi.
Hindi na naintindihan ni Henry ang iba pang sinasabi ni Aaron. Isa lang ang malinaw na tumatak sa kanyang isip, sila na ni Aaron!
“Uy! Ba’t para kang namatanda riyan? Galaw-galaw, baka ka ma-stroke,” nagbibirong sabi ni Aaron. Ngunit nanatili lang na nakatingin sa kanya si Henry habang nakangiti.
Nang hindi pa rin ito kumibo ay walang alinlangan niya itong kinulong nang mahigpit sa kanyang mga bisig. Hindi pa nakuntento, hinalikan niya ito nang mariin sa labi.
Magmula nang maging magkarelasyon silang dalawa ay ipinakilala na rin ni Aaron si Henry sa kanyang pamilya. Nakilala ni Henry ang ina nitong si Aling Delia, ang disisiyete anyos na kapatid nitong si Jasper at ang sampung taong gulang na si Yumi. Mababait ang buong pamilya ni Aaron. Tinanggap siya ng nga ito bilang kapamilya na rin.
Humanga si Henry sa pagkakaroon ni Aaron ng matinding sense of responsibility. Wala itong ibang inisip kundi kung paano mabibigyan ng maayos na buhay ang kanyang pamilya. Maliban sa pagsuporta nito sa sariling edukasyon, ito rin ang nagpapaaral sa mga kapatid na sina Jasper at Yumi. Ito rin ang sumasagot sa lahat ng mga pangangailangan nila sa bahay.
Hindi mahilig si Aaron sa mga materyal na bagay, napansin ni Henry. Wala itong bisyo. Puro pag-aaral at pagtatrabaho lang ang inaatupag nito. Kapag wala itong pasok sa eskuwela o sa trabaho, sinisiguro nito na makapaglaan ng sapat na oras para sa kanya. Kahit minsan, hindi nito kinalimutan ang obligasyon sa kanya bilang boyfriend. At mula nang maging sila na, hindi na muli pang sumubok na magpa-booking si Aaron. Alam niya dahil nangako ito sa kanya na hinding-hindi na ulit gagamitin ang katawan para magkapera. On his part, nangako naman si Henry na tutulungan niya si Aaron sa lahat ng problema sa abot ng kanyang makakaya.
“Paano kung dumating ang oras na maramdaman mong nagkakagusto ka sa isang babae?” naitanong niya kay Aaron nang minsang magkausap sila.
“Hindi mangyayari iyon?” paniniguro pa nito kasabay ang pagkindat sa kanya.
“Bakit mo naman nasabing hindi ’yon mangyayari? Lalake ka. Hindi maiiwasan na ma-attract ka sa opposite sex.”
Umiling ito. “Hindi talaga. Nasisiguro kong hindi. Dahil pipigilan ko na ang nadarama ko, bago pa man dumating sa puntong gusto ko na iyong babae,” seryosong sabi nito na tumitig pa sa kanyang mga mata. “Mabait ka… at mahal kita. Hindi ko magagawang iwanan ka.”
Iba ang epekto kay Henry ng sinabing iyon ni Aaron. Ramdam niya ang sinseridad nito. Mula nang magkakilala sila, wala pang pagkakataon na nagsinungaling sa kanya si Aaron.
Kaya nga mahal na mahal rin niya ito.
Lumapit sa kanya si Aaron at muli ay ipinadama sa kanya ang mahigpit nitong mga yakap at maiinit na halik. “Huwag ka nang magduda sa akin. Itinali ko na ang sarili ko sa’yo. At wala akong balak na kumawala…”
BISPERAS ng pasko ay pumasok pa rin sa trabaho si Aaron. Pero pagkatapos ng shift niya ay dadaan siya sa mall para mamili ng pang-noche buena nila. Pinaghandaan niya talaga ito. Iba ang paskong darating kaysa sa mga nagdaang pasko sa buhay niya. Espesyal ang pasko ngayong taon dahil kasama na niya sa buhay si Henry. Kaya sisiguruhin niyang magiging napaka-memorable ng selebrasyon nila sa darating na araw ng kapaskuhan.
Pagdating sa mall ay kaagad na namili si Aaron ng mga panghanda sa noche buena. Marami siyang napamili. Dapat lang dahil double celebration sila ni Henry ngayong pasko.
Nang matapos mag-grocery ay lumabas na siya ng mall at naglakad papuntang sakayan. Nakakailang hakbang pa lang siya nang tumunog ang kanyang cellphone. Napangiti siya. Tumatawag si Henry.
Ibinaba niya ang mga grocery bag sa gilid ng kalye at saka sinagot ang tawag nito. “O, napatawag ka?”
“Hello, nasaan ka na?” tanong ni Henry.
“Kalalabas ko lang ng mall. Nag-grocery ako ng mga lulutuin ni nanay mamaya. Pauwi na ako sa amin. Doon ka na mag-noche buena, ha?” paalala niya rito. “Hihintayin ka namin nina nanay at mga kapatid ko. Sinabi ko na sa kanila na inimbita kita.”
Nag-aalangan si Henry. “Hindi ba nakakahiya?”
“Ano ka ba? Kilala ka naman ng pamilya ko. Alam naman nila ang tungkol sa atin at wala namang problema. Basta, hihintayin ka namin. Agahan mo nang punta para makapagsimba pa tayo,” paalala niya kay Henry.
“S-sige… Darating ako.”
“I love you,” malambing na sabi ni Aaron.
“Sige na, umuwi ka na. Tulungan mo na rin ang nanay na magluto ng mga handa,” kabilin-bilinan niya rito.
“Opo… I love you ulit. Bye…” Nakangiting tinapos niya ang pag-uusap nila ni Henry. Binuhat niya ang mga grocery bag para pumunta na sa sakayan.
4
NAKAKAILANG hakbang pa lang siya nang may isang lalaki na biglang sumabay sa paglalakad niya sabay akbay nang mahigpit sa kanya.
Hindi kaagad siya nakakilos lalo na nang higpitan pa ng lalaki ang pagkakaakbay sa parteng leeg niya. Naramdaman din niya ang isang matulis na bagay na nakatutok sa parteng baywang niya.
“Pasimple ka lang. Kunwari magkakilala tayo,” nakangising bulong sa kanya ng lalaking matangkad kaysa sa kanya pero kasingkatawan lang niya. “Diretso lang nang lakad.”
“Anong kailangan mo sa akin?” tanong niya rito. Medyo napalakas pa nga ang boses niya dahil sa pagkataranta.
“Ibigay mo sa akin ang wallet at cellphone mo. Bilis!”
“Hindi puwede!” mariin niyang tanggi at sinubukang makawala mula sa mahigpit na pagkakaakbay sa kanya ng lalaki.
Naalarma ang lalaki. Hindi rin nito inaasahang papalag si Aaron. “Huwag kang mag-eskandalo!”
Hindi nagpatalo sa takot si Aaron. “Tulungan n’yo ako! Hinoholdap ako!” Sumigaw siya para makatawag ng atensyon.
“Gago ka, ah!” Hindi inaasahan ni Aaron ang gagawin ng holdaper. Naramdaman niyang bumaon sa kanyang sikmura ang matulis na bagay na hawak nito. Pagkatapos ay hinugot nito ang panaksak at muling ibinaon sa kanyang katawan ng dalawa pang ulit. Nabitiwan niya ang dalang grocery bag at kumalat sa kalye ang mga laman nito.
Mabilis na dinukot ng holdaper ang kanyang bulsa at kinuha ang wallet niya. Pagkatapos ay mabilis na tumakbo papalayo ang holdaper at iniwang nauupos sa kalye ang kanyang biktima.
Naliligo na sa dugo ang katawan ni Aaron. Sinubukan niyang humingi ng tulong sa mga tao sa paligid. “T-tulungan n’yo ako… Dalhin n’yo ako sa ospital…” Walang lumapit sa kanya para tumulong. Sinubukan niyang pumara ng mga dumadaang sasakyan pero walang huminto para damayan siya. Natumba si Aaron at sinubukan niyang bumangon pero muli siyang natumba.
“Tulungan n’yo ako…” sabi niya sa nanghihinang tinig. “Tulong… Tulong…”
ALAS-DIEZ ng gabi nang dumating si Henry sa bahay nina Aaron. Nagtaka pa siya nang makitang umiiyak sa may terasa ang bunsong kapatid ni Aaron na si Yumi. Napabilis ang paglalakad niya para makalapit agad sa umiiyak na batang babae.
“Ba’t ka umiiyak? Nasaan ang mga kuya at ang nanay mo?” tanong niya sa rito.
“Nagpunta po sila sa ospital. Nandoon daw po si Kuya Aaron, nasaksak ng holdaper.” Mas lalo pang lumakas ang pag-iyak ni Yumi.
Pakiramdam ni Henry ay binuhusan siya ng malamig na tubig. Bigla ay parang nanlaki ang kanyang ulo. Ano raw iyon? Sino ang nasaksak? Ayaw tanggapin ng utak niya ang sinabi ng kapatid ni Aaron.
“Buhay naman ang kuya mo, ’di ba? Ligtas naman siya? Saang ospital daw?”
“Sa Dr. Salvacion Hospital daw po.” Halos habulin na ni Yumi ang paghinga dahil sa walang tigil na pag-iyak.
“Sige, pupunta ako roon,” nangingilid ang luhang sabi niya.
“Sama mo ’ko, Kuya Henry. Gusto kong makita si Kuya Aaron…” sa pagitan ng mga singhot at paghikbi ay sinabi nito.
HALOS utusan ni Henry ang driver na paliparin ang taksing minamaneho nito para makarating sila kaagad sa ospital. Habang nasa daan ay kabadong-kabado siya at abot-abot ang dasal na sana ay nasa mabuting kalagayan si Aaron.
Pagdating sa ospital ay agad siyang nagtungo sa information area.
“Saang room po si Aaron Mendoza?” tanong niya sa receptionist. Abot-abot pa rin ang kaba niya. Halos hindi na siya humihinga habang hinihintay ang sasabihin ng receptionist.
Saglit na may tinipa sa computer keyboard ang babae bago tumingin kay Henry. “Sir, nasa morgue na po siya.”
Muntik na siyang mawalan ng panimbang nang mangalog ang kanyang tuhod pagkarinig sa sinabi ng receptionist. Gusto niya sanang ipaulit ang sinabi nito at sabihing hindi iyon totoo pero hindi na siya nakapagsalita. Naramdaman na lang niyang may mainit na likidong umaagos sa kanyang pisngi.
“Sir okay lang po ba kayo? Namumutla po kayo,” nag-aalalang sabi ng receptionist.
“O-okay lang ako… Okay lang ako, miss.” At tuluyan na siyang napahagulgol. Wala na siyang pakialam kung umiiyak siya sa harap ng receptionist ng ospital.
“Kuya Henry…” Nanggaling ang boses sa kanyang likuran.
Napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig. Nakita niya ang malungkot na mukha ni Jasper katabi ang umiiyak nitong ina.
Mabilis na nakalapit si Henry sa mag-ina at niyakap niya nang mahigpit si Aling Delia na mas lalo pang lumakas ang pag-iyak sa sobrang pagdadalamhati sa pagkawala ng panganay nitong anak.
ARAW NG PASKO
Ang dapat ay masayang pagdiriwang nila ng kanilang first anniversary ay napalitan ng kalungkutan kasama ang iba pang mga taong nakaalala kay Aaron. Ang first anniversary nila ni Aaron ay naging unang gabi ng burol nito.
Maraming tao ang dumating sa bahay nina Aaron sa unang araw ng kanyang burol. Ang mga kapitbahay niya ay magdamagang nakipaglamay. Ang iba naman ay dumayo para magsugal lamang. Ano man ang totoong dahilan ng pagpunta nila sa burol ni Aaron, hindi pa rin maitatangging marami ang nagbigay ng oras para silipin siya sa kanyang pagkakahimlay. Sa labas ng bahay kung saan nakaburol si Aaron ay makikita ang isang grupo ng mga bata na nangangaroling sa mga bahay-bahay. Dinig na dinig sa loob ng bahay nina Aaron ang maingay na pagkanta ng mga bata ng masasayang Christmas carols.
Hindi iniwan ni Henry si Aaron hanggang sa huli. Nandoon lang siya para samahan ang lalaking minahal niya at alam niyang nagmahal din sa kanya.
Muli niyang sinilip ang nakahimlay na si Aaron sa loob ng kabaong. Napakaguwapo pa rin nito. Para lang itong natutulog at mamaya ay gigising din. Naibulong ni Henry na sana nga ay ganoon na lang ang mangyari. Na sana ay gigising din si Aaron pagkalipas ng ilang oras. Ang sakit namang magbiro ng tadhana. Masaya dapat sila ni Aaron ngayon, eh. Hindi dapat ganito ang eksena.
Sa araw ng libing ni Aaron ay tahimik na lumuha si Henry. Tinanggap na niyang wala na talaga si Aaron at kailan man ay hindi na magbabalik. Pero ipinangako niya sa puntod nito na hinding-hindi niya ito kalilimutan.
Habang nakatingin si Henry sa lapida na inilalagay sa libingan ni Aaron ay hindi niya napigilan ang mas mapaluha pa habang inaalala kung paano sila nagkakilala. Love really comes from the most unexpected places. Wala naman kasing pinipiling lugar ang pag-ibig. Sino ang mag-aakala na ang greatest love of his life ay sa toilet niya makikilala? Sayang nga lamang at ang agang nawala ni Aaron. Nagsisimula pa lang silang bumuo ng mga pangarap. Ang dami pa sana nilang gustong gawin, gustong puntahan, gustong marating. Lahat iyon ay naputol dahil lang sa isang taong walang pagpapahalaga sa buhay ng iba.
Bago umuwi, isang pangako ang binitiwan ni Henry sa puntod ni Aaron, “Hayaan mong mahalin kita kahit wala ka na rito sa mundo. Nasaan ka man ngayon, saan ka man mapadpad hintayin mo ako riyan. Magkakasama tayong muli.”
THE
END
GRAB A COPY NOW
Hello,
My novel ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat is now published under VRJ Books (Viva Books Publishing, Inc.). Copies are available in all National Bookstores and Powerbooks branches nationwide for only P225.00.
Maraming nadagdag na scenes sa book na wala sa Wattpad version.
Sana suportahan po ninyo ang unang libro ko sa Viva Books Publishing para magkaroon pa ng kasunod.
Please grab your copy now.
Maraming salamat!

