CANNIBALISM (ON-GOING)
misterdisguise · 11 chapters · 9,282 words
CANNIBALISM
(Horror/Non-teen Fiction)
TEASER:
Isang bakasyon ang maghahatid sa kanila sa kamatayan.
Limang iba’t-ibang tao ang isa-isang dadalawin ni KAMATAYAN.
Makakatakbo sila ngunit hindi makakapagtago.
Kilos at galaw mo ay papanuorin nila.
Sino nga ba sila?
Tao ba sila o mga…
CANNIBAL…
Takbo na! Iligtas mo ang buhay mo!
======
CHAPTER ONE: Start
Halos apat na oras ang binyahe ng magkakaibigan papuntang Laguna kung saan sila muna ay magbabakasyon matapos ang madugong semester. Si Mikael ang nagmamaneho ng sasakyan na siya ring may-ari ng kanilang tutuluyan na resort. Kasama niya ang mga kaibigan niyang sina Allison, Luke, Cindy at Jane.
“Excited na ako. Makakalanghap na rin ako ng fresh air,” maligayang sabi ni Cindy, ang kikay sa grupo. Nakangiti itong tinitingnan ang daan na binabagtas.
“Kahit ako. Masyado tayong exhausted dahil sa finals. Sumakit talaga ang ulo ko at kailangan ko talaga ‘tong sulitin na bakasyon,” pagsang-ayon naman ni Allison. Bigla itong nakaramdam na may kamay na gumagapang sa balikat. Napalingon naman ito upang makita kung sino ang nagmamay-ari ng kamay. Nangunot ang noo nito nang malaman kung kanino.
“Pwede ba? Alisin mo nga ‘yang kamay mo!” iritableng sabi ni Allison kay Luke.
“Ayaw mo pa kasi sagutin si Luke,” pang-aasar ni Mikael, “at ikaw naman Luke, ang hina mo rin kasi dumiskarte.”
Binato naman ng unan ni Luke si Mikael. Nauwi lang sa tawanan ang buong biyahe. Maya-maya’y nakarating na sila sa destinasyon. Isang malaking resort na makikitaan ng modernisasyon at asul na dagat ang tumambad sa kanila.
Manghang-mangha ang mga kaibigan niya sa nakikita. Tila isang paraiso kung ilalarawan ang lugar. Tamang-tama ang lugar na ito para makapagpahinga matapos ang madugong bakbakan sa kolehiyo.
“Hindi mo naman sinabing may ganito kayong kagandang resort,” manghang sabi ni Allison. Hindi nito maalis ang mga mata sa nakikita dahil sa sobrang pagkamangha.
“Kamakailan ko lang rin naman nalaman na may ganito kaming kagandang resort,” paliwanag ni Mikael, “Teka nga, nasaan na ‘yong katiwala namin? Tsk. Akala ko pa naman ay may sasalubong sa atin.”
“Dapat nga matuwa ka pa kasi walang magsusumbong sa pwede nating gawin,” paliwanag ni Luke.
“Loko ka,” puna niya. Kanya-kanyang buhat ng mga gamit ang magkakaibigan. Pumasok na sila sa loob. Lalo pa silang namangha dahil sa disensyo ng buong resort. Tila napakalaki ng ginastos para mapagawa ang ganitong kagandang interior.
“May anim na kwarto dito. Pumili na lang kayo ng gusto niyo,” saad ni Mikael. Nagsipasok na sila sa mga napiling kwarto. Matapos ‘yon ay agad silang nagtungo sa dalampasigan para makalanghap ng sariwang hangin mula sa asul na dagat. Naiwan naman sa loob si Mikael para kontakin ang mga magulang niya upang sabihin na wala ang katiwala.
“Okay po, Ma. Maraming salamat.” Matapos ‘yon ay ibinaba na niya ang telepono. Lumabas siya upang samahan ang mga kaibigan. Abala ang mga ito na naglalakad sa dalampasigan. Naupo na lamang siya sa bench at doon na lamang magpapahinga dahil sa matagal-tagal na pagmamaneho.
Habang nakaupo, napansin niya sa kanyang paanan ang pulang likido.
“Ano ‘to?” pagtataka niya. “Wala talagang kwenta ang caretaker dito.”
Nagising sa isang mahimbing na pagkakatulog si Manuel. Ramdam niya ang pangingirot ng kanyang ulo dahil sa hampas na natamo sa hindi niya makilalang tao. Iginala niya ang kanyang mata upang tingnan ang kabuuan ng lugar. Tanging sa mga butas lang ng kabahayan nanggagaling ang liwanag. Sa tingin niya ay tanghali palang dahil sa tingkad ng kulay ng paligid.
Pinilit niyang kumilos ngunit napansin niya na nakagapos ang pareho niyang kamay maging ang kanyang mga paa ay nakatali rin. Pinagmasdan niya ang sarili. Naliligo siya sa dugo. Naalala niyang tinamaan pala siya ng palaso sa magkabilang balikat.
“Tulong…” mahinang sambit niya. Hindi niya alam kung may nakaririnig sa kanya. Sa tantiya niya, nasa isang masukal na gubat siya kaya marahil ay wala talagang makakarinig sa kanya.
Nanghihina ang buo niyang katawan. Hindi niya rin magawang makalag ang pagkakatali dahil sa sobrang higpit. Maya-maya’y nakarinig siya ng kaluskos. Pinakiramdaman niya ang buong paligid.
Dahan-dahang bumukas ang pintuan kasabay ang pag-ingit nito. Tumambad sa kanyang harapan ang isang lalaki na kakaiba ang itsura. Halos lagas ang buhok nito na kulay puti. Matangos na patulis ang ilong nito. Puro kulubot din ang mukha na akala mo’y peke ang balat dahil sa sobrang pagkakulubot. Matulis rin ang ngipin nito na iilan lang ang bilang.
Lumapit ito sa kanya at siya’y pinagkatitigan. Iniwas naman niya ang kanyang tingnan dahil sa nakakasukang itsura nito. Nagitla siya nang biglang hawakan nito ang kanyang damit. Sinira nito ang kanyang suot at hinawakan ang kanyang katawan. Tila isang takam na leon na naglalaway sa karne ang hitsura ng lalaking nasa kanyang harapan.
Pumunta ito sa mesa at kinuha ang isang kutsilyo. Nanlalaki naman ang kanyang mata habang tinitingnan ang palapat na kutsilyo sa kanyang katawan.
Isang mariin na pagsaksak ang ginawa nito sa kanyang katawan. Tumagas mula roon ang napakaraming dugo. Napasigaw siya nang malakas dahil sa sobrang sakit.
“Ahhhhhh!” sigaw niya. Tila bingi naman ang lalaking nasa harapan niya. “Maawa ka,” pagsusumamo niya.
Inilapit nito ang bibig sa tumatagas na dugo mula sa katawan ni Manuel. Ininom nito ‘yon at tila sarap na sarap pa. Patuloy ito sa pagsipsip. Napaatras naman si Manuel dahil sa sobrang sakit. Kinakagat na nito ang kanyang balat upang lalo pang lumabas ang napakaraming dugo.
Tila nagdidilim na muli ang paningin ni Manuel. Umiikot ang kanyang buong paligid. Unti-unting bumabagsak ang kanyang mata hanggang sa mawalan muli ng malay.
CHAPTER TWO: Missing
Maagang nagising si Allison. Bumaba siya at tiningnan ang buong sala. Wala pang gising nang mga oras na ‘yon. Alas-sais palang din naman kasi nang umaga kaya tiyak na tulog mantika pa ang mga kaibigan niya. Lumabas siya sa resort at naglakad-lakad sa dalampasigan. Halos papasikat palang ang araw. Napapangiti na lamang siya sa nakikita. Binuka niya ang mga kamay kasabay ang malalim na paghinga.
Sa ‘di kalayuan, napansin niya sa dulo ang matatayog na mga puno. Nag-iisa lang kasi ang resort nila Mikael sa lugar kaya ang buong paligid ay nananatiling naliligiran pa rin ng matatas na puno at mga damo. Naisipan niyang lumapit sa gubat at pagmasadan kung anong mayroon doon.
Tanging huni ng mga ibon ang gigising sa diwa mo sa loob ng gubat. Mahamog ang buong lugar. Napayakap na lamang si Allison sa kanyang katawan dahil sa sobrang lamig. Napansin niya ang isang palaso na nakatarak sa puno.
Nangunot ang kanyang noo nang mapansin na may tila pulang likido sa palaso.
“May mga mangangaso ba rito?” sa isip-isip niya. Bigla siyang naalerto nang makarinig ng kaluskos. Iginala niya ang mga mata sa paligid. “Sinong nandyan?!” sigaw niya.
Pakiramdam niya ay papalapit ng papalapit ang kaluskos. Bigla niyang naisip na kaya siguro ay may mga mangangaso rito ay dahil pinupugaran ito ng mababangis na hayop. Kumuha siya ng patpat bilang pangsanggalang sa maaaring umatake sa kanya.
“Allison…” Nakahinga siya ng maluwag nang marinig ang boses ni Luke. Mabuti na lang ay hindi mabangis na hayop ang sumulpot. “Bakit may hawak kang patpat?”
“Wala ito. Bakit ka ba nandito?” tanong niya.
“Napansin ko kasing papunta ka ng gubat kaya sinundan na kita. Baka kasi ano pang mangyari sa’yo.” Napangiti na lang siya dahil sa pagiging concern ng kaibigan.
“Halika na. Bumalik na tayo sa resort. Baka gising na rin ang iba.” Matapos ‘yon ay bumalik na sila. Nadatnan nilang wala pa ring tao sa sala. Naisipan na lamang nilang maghanda ng almusal para sa mga kaibigan. Si Allison ang nagluto samantalang nakatoka naman sa pag-aayos ng mesa si Luke.
Hindi mabasagang-pinggan ang atmosperang namamagitan sa dalawa. Hindi alam ni Luke kung paano sisimulan ang kanilang magiging pag-uusap. Nahihiya ito kay Allison dahil siguro ay hindi pa rin nitong magawang makapagtapat.
“Luke…”
Napalingon naman kaagad ito nang marinig ang pangalan. “B-bakit?”
“Salamat. Alam ko naman kasing mabait ka kahit minsan, loloko-loko ka,” saad ni Allison habang hindi inaalis ang mata sa niluluto.
“Wala ‘yon. Ahmm… Allison?” Hinahanda na niya ang sarili sa magiging pagtatapat.
“Ano ‘yon?”
Huminga siya nang malalim bago magsalita. “A-ano k-kasi… Ma-ma….”
Lumingon siya upang makita ang mukha ng kaibigan. “Anong ma?”
Lumunok ito. Halata sa mukha nito ang sobrang kaba dahil sa tuloy-tuloy na pagpapawis. “Ma-matatapos ka na ba d’yan? Gutom na kasi ako,” pagsisinungaling nito.
“Malapit na rin naman ‘to,” sagot niya. Hindi pa rin magawang ipagtapat ni Luke ang tunay na nararamdaman para sa kaibigan. Hindi nila namalayang nagising na rin pala ang iba. Papikit-pikit pa ang mga itong lumapit sa kanila.
“Akalain niyo ‘yon, marunong ka pala magluto Allison,” pang-aasar ni Mikael nang makita ang mga pagkaing nasa hapag.
Tinanggal ni Allison ang suot na apron at lumapit sa mga kaibigan. “Kayo lang naman ang walang tiwala sa akin, e,” sagot naman niya.
“Wala ba kayong balak na purihin ang naitulong ko? Ako kaya ang nag-ayos nito,” pagmamaktol ni Luke. Natawa na lang ang mga kaibigan nito sa naging asal niya.
“Ikaw na ang magiging apprentice ko,” saad ni Allison habang nakapatong ang kamay sa balikat ni Luke. Nangamatis naman kaagad ang mukha nito dahil sa sinabi ng dalaga. Naalala nito tuloy ang kaninang pagbabalak na pagtatapat.
“I smell something fishy,” asar naman ni Cindy. Lalo pa silang natawa dahil doon.
“H’wag ka nga. Kumain n nga tayo. Maupo na kayo. Baka lumamig pa ‘yan,” anyaya niya sa mga kaibigan. Masayang nagsalo-salo ang magbabarkada ng kanilang agahan. Hindi lingid sa kanilang kaalaman ay may mga matang takam na takam sa nakikita.
Hindi dahil sa hinandang pagkain na nasa hapag kundi sa limang taong may masasarap na karne.
“Maraming tao na ang nawawala. Wala ring makapagsabi kung nasaan na sila,” saad ni Simon, isa sa mga pulis sa Quezon. Sa nagdaan kasing mga buwan, mahigit isangdaang katao na ang napapabalitang nawawala. Walang ideya ang buong pulisya kung saan maaaring mahanap ang mga nawawalang tao.
“Nakakapagtaka talaga. Hindi kaya gawa ‘to ng mga alien?” suhestyon naman ni Carlo, partner ni Simon.
“Hunghang ka ba?! Hindi totoo ang alien!” natatawang sabi naman ni Simon. Naitungkod na lamang niya ang kanyang kamay sa mukha. Puro larawan ng mga nawawalang tao ang siyang makikita sa kanyang mesa. May mga bata at matanda, babae at lalaki. Walang pinipili.
“Hindi kaya ay kinain na sila?”
Nanlaki ang mga mata ni Carlo saka tumawa nang malakas. “Ako, alien tapos ikaw, cannibal?! Nagpapatawa ka ba? Mas malala ka pa pala sa akin, e.”
“Bahala ka nga. Pero maaari, ‘di ba? Hindi nga natin masabi kung nasaan na sila.” Natahimik naman si Carlo sa sinabi niya. May punto ang kaibigan. Kung nawawala man sila, maaaring kahit isa man lang sa kanila ay matagpuan sa dami nila.
Nakarinig sila ng katok mula sa pintuan. Tumambad sa kanila si Mike na may dalang folder. Lumapit sa kanila ito na may dismayadong mukha.
“Isa na namang kaso ng pagkawala,” saad ni Mike habang binubuksan ang folder. “Manuel Buenaventura, isang caretaker sa isang resort dito sa Lucban, Quezon.”
Nangamot na lamang ng ulo si Simon nang makita ang panibagong kaso. Kinuha niya mula kay Mike ang folder. “Nakakapagtaka na talaga. Hindi pa nga nalulutas ‘yong iba at ‘eto naman ang isa pa. Misteryoso na talaga ang kaso ng sunod-sunod na pagkawala.”
Tinitigan na lamang ni Simon ang folder at nangalong-baba.
“Sino o ano kaya ang dahilan?” sa isip-isip niya.
CHAPTER THREE: Hunger
Kinagabihan ay naisipan ng magkakaibigan na mag-inom sa tabing-dagat. Gusto nilang sulitin ang bakasyon kung maaari. Wala silang palalagpasing mga araw dahil isang buwan lang naman ang kanilang magiging pahinga.
Naghanda ng bonfire si Mikael samantala, kumuha naman ng mga alak si Luke. Naupo sila sa pinong buhangin ng dalampasigan. Napakasarap sa pakiramdam. Idagdag pa riyan ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa malawak na dagat.
“Ang sarap! Sana ganito na lang lagi,” masayang sabi ni Cindy habang hawak-hawak ang isang boteng alak.
“Kung maaari lang, e. Walang problema. Puro saya lang,” sabat naman ni Jane.
Masayang nag-uusap ang magkakaibigan. Hindi nila iniisip ang magiging problema sa magiging pasukan. Panahon para magsaya. Walang lugar ang mga problema. Hindi lingid sa kanilang kaalaman ay may dalawang pares ng mga mata ang nagmamasid sa kanila.
Inaabangan lang sila. Kinikilatis.
“Guys, kwentuhan naman tayo ng nakakatakot.” Biglang bumaba ang tono ni Mikael nang banggitin niya ‘yon. Nagkatinginan naman silang lahat maliban kay Allison. Nakayuko lang ito.
“Allison…” tawag ni Jane.
“Wala ito. Parang may kakaiba lang,” saad ni Allison habang nakayuko pa rin. Nagtataka na ang ilang mga kaibigan nito sa kanyang inaasal.
“May problema ba?” tanong ni Cindy.
Umiling lang si Allison bilang tugon. Tumayo siya mula sa pagkakaupo. “Babalik na muna ako sa loob,” saad nito saka bumalik sa loob ng resort. Tumingin naman si Mikael kay Luke, hudyat na sundan nito ang kaibigan. Tumayo rin si Luke upang sundin ang sinabi ng kaibigan.
Naiwan na lamang ang tatlo sa tabing-dagat. Kakaunti na lang ang mga alak nilang hawak. Hindi pa rin ganoon kalakas ang naging tama nito sa kanila. Pero pakiramdam nila ay nagsisimula ng mag-init ang kanilang katawan.
“Matanong ko lang, sa inyo rin ba Mikael ang lupain na ‘yon?” tanong ni Cindy patungkol sa malawak na gubat.
Napatingin naman si Mikael sa tinuturo ng kaibigan. “Sa pagkakaalam ko, may mga nakatira rati d’yan sa gubat pero bigla rin namang nagsilikas. Kaya hindi ko masasabi kong pagmamay-ari ba namin ‘yan,” sagot niya.
“E, nasaan na ‘yong mga ‘yon?”
“Dati kasing planta ng mga kemikal itong buong lugar bago maging resort. Siguro ay lumikas at nagpakalayo-layo dahil sa amoy ng kemikal sa planta,” paliwanag ni Mikael. Tumungo na lang si Cindy bilang tugon. Huling patak na ng alak sa bawat bote nila. Hindi pa sila mga lasing.
“Kukuha na muna ako ng alak natin,” saad niya. Pinigilan naman kaagad siya ni Cindy.
“Ako na ang kukuha. Nakakahiya naman. Sa inyo na nga itong resort, ikaw pa ang magsisilbi sa amin.” Tumayo na si Cindy at nagtungo sa storage room kung saan nakatago ang mga alak.
Napansin ni Mikael ang pagiging tahimik ni Jane. Marahil ay lasing na ito at ayaw lang ipahalata. Tinitigan niya ang kaibigan. Napansin niyang naluha ito. Agad naman siyang tumabi rito upang ialo.
“Anong nangyayari sa’yo?” pagtataka niya. Hinaplos naman niya ang likod nito upang gumaan ang pakiramdam nito kahit kaunti. Patuloy lang ito sa pag-iyak. Lalo siyang nagtaka dahil sa inaasal nito. Hindi niya alam kung paano patatahanin ang kaibigan.
“Umayos ka nga. Ano bang nangyayari sa’yo?” Hindi ganito ang pagkakakilala niya sa kaibigan. Hindi ito naiyak ng walang dahilan. Matapang na tao kung ilalarawan niya si Jane.
“Naiinis ako sa sarili ko,” wika ni Jane sa pagitan ng kanyang mga luha. “Naiinis ako kasi ang tanga-tanga ko.”
Nangunot naman ang noo ni Mikael sa sinabi ni Jane. Hindi niya maunawaan ang sinasabi ng kaibigan. “Hindi kita maintindihan.”
“Wala ‘to,” maikli nitong sabi.
“Sabihin mo na. Kaibigan mo ako. Tayo-tayo rin naman ang magdadamayan,” saad ni Mikael. Hindi magawang makaharap ni Jane dahil sa sobrang hiya. Hindi na rin nito kasi nakontrol ang sarili. Marahil ay dahil na rin sa dami ng nainom nito.
“Nahihiya ako kasi sumasama ako sa inyo. Pakiramdam ko, outcast ako,” malungkot na sabi nito.
“Bakit naman ganoon ang inisip mo?”
“Matatalino kayo, mayaman. Samantalang ako, hindi. Ipinapakita ko na lang na matapang ako para makita niyong hindi ako mahina.” Seryoso ang mga mata nito na may halong lungkot sa bawat bigkas ng salita. “Iisipin ng lahat na kapag malakas ako, kapantay ko kayo.”
Tuluyan ng bumuhos ang mas maraming luha sa mga mata nito. Niyakap niya na lang ang kaibigan. Hindi niya akalaing ganito pala ang pakiramdam nito sa tuwing kasama sila.
“Patawad kung hindi kaagad namin napansin ang bagay na iyon. Hindi ka na naiba sa amin. ‘Yon ang lagi mong iisipin. Kaibigan ka namin at mananatili ‘yon.”
Pinahid niya ang mga luha sa mga mata nito. Mas nasilayan niya ang tunay na mga ngiti nito na lalong nagpaganda sa maganda niyang mukha.
“Maraming salamat,” nakangiting sabi ni Jane.
Ngayon, naiintindihan na ni Mikael kung bakit ganoon ang inaasta ni Jane dahil sa likod nito ay ang pinakamalungkot na parte ng kanyang buhay.
Madilim ang buong lugar papuntang storage room. Hiwalay kasi ito sa resort. Wala ring ilaw sa daan. Tanging sa buwan lang nanggagaling ang liwanag. Nagpalinga-linga si Cindy sa paligid upang makatiyak na ligtas siya.
Agad siyang pumasok sa kwarto at binuksan ang ilaw. Punong-puno ang storage room ng mga bote ng alak. Marahil ay mga mamahaling wine ang mga ito at inimbak talaga upang lumabas ang mas masarap na lasa nito.
Kumuha siya ng tatlong bote. “Siguro ay tama na ito,” saad niya habang bitbit ang mga bote. Napansin niya bigla ang isang itim na anino sa bintana. Hindi niya gaanong maaninag kung sino ang nasa labas dahil sa sobrang dilim ng paligid.
“Mikael?! Jane?!” sigaw niya. Tanging katahimikan lang ang naging tugon sa kanya.
Lumabas siya upang tingnan kung may tao ba sa labas. Inikot niya ang kanyang mga mata. Wala. Kahit sino. Nang makasiguro ay nagsimula na siyang maglakad pabalik ng dalampasigan.
Nakarinig siya ng kaluskos sa ‘di kalayuan. Napahinto naman siya dahil doon.
“Mikael?” Wala pa ring nasagot. Nakarinig muli siya ng kaluskos. Nilapitan niya kung saan nanggagaling ang ingay.
“Jane?” tawag niya muli.
Sa hindi niya inaasahang pagkakataon, isang palaso ang bumungad sa kanya. Tumama iyon sa kanyang lalamunan. Umagos roon ang napakaraming sariwang dugo. Hindi niya magawang makasigaw dahil sa sobrang sakit at panghihina.
Naibagsak niya ang mga hawak na bote. Nabasag naman iyon at natapon ang laman. Isang palaso muli ang paparating sa kanya. Tumama naman iyon sa kanyang tiyan. Mas maraming sariwang dugo ang lumabas mula roon.
Naubo siya ng dugo dahil sa sobrang sakit. Tumitirik na ang kanyang mga mata dahil sa sakit na nararamdaman. Tumama naman ang pangatlong palaso sa kanyang mata. Napaluhod siya dahil sa panghihina. Tumaob siya na naging dahilan upang mas lalong bumaon ang mga natamong palaso.
Kitang-kita pa sa isang palaso ang tumagos na kanyang mata. Naliligo na siya sa sariling dugo. Nagsilapitan naman ang dalawang lalaki na siyang namana. Takam na takam ang mga ito sa nakikita.
Ipinahid ng isa ang kanyang kamay sa umaapaw na dugo ni Cindy samantalang ang isa naman ay kinuha ang matang tumagos ni Cindy at kinain.
Tila mga leon na tuwang-tuwa sa nakikita sa kanilang harapan ang dalawa. Hinila nila ang wala ng buhay na katawan ni Cindy sa loob ng gubat.
CHAPTER FOUR: Pity
Kasalukuyang naglalakad sa hallway si Allison ng resort papunta sa kanyang kwarto. Hindi niya napansin na sinusundan pala siya ni Luke. Nagulat siya nang biglang humarang ito sa kanyang dinaraanan. Hindi niya magawang makatingin sa mata ng kaibigan dahil sa hiya.
“Umalis ka nga!” utos niya ngunit nanatili sa kanyang harapan ang kaibigan. “Sabing alis, e,” pag-uulit niya.
“Ano bang nangyayari sa’yo?” tanong nito.
“Wala ka ng pakialam doon!” Hinawi niya sa kanyang daan si Luke at dumiretso sa pintuan ng kanyang kwarto.
“May pakialam ako!” sigaw ni Luke. Natigilan naman siya dahil sa sinabi nito.
Ngumiti siya bago nagsalita. Tila natatawa sa sinabi ng kaibigan. “May pakialam? Nakakatawa ka! Hindi bagay sa’yo,” sarkastikong sabi niya. Pinihit na niya ang doorknob at handa ng pumasok sa loob.
“Hindi ako nagbibiro. Seryoso ako.”
Muli ay humarap siya sa kaibigan. “H’wag ka nga nagbibiro.”
Huminga ito bago nagsalita. “May pakialam ako kasi mahal kita,” buong tapang nitong sabi. Nagulat naman siya sa sinabi nito saka tumawa ng malakas. “Bakit ka natatawa?”
“Best joke ever,” saad nito sa pagitan ng kanyang mga tawa. Tila nairita naman si Luke sa naging asal ni Allison. Huminga muli ito ng malalim bago magsimulang magsalita.
“Mahal kita, Allison. Seryoso ako sa pagkakataong ito.” Natigilan naman si Allison sa pagtawa. Tila ramdam niya ang sensiridad ni Luke sa kanyang sinabi. Hindi naman niya magawang magsalita. “Matagal na kitang gusto. Hindi ko lang magawang masabi sa’yo.”
Nanlalaki’ng matang tinitigan lang ni Allison ang kaibigan. Hindi niya alam ang dapat na maging reaksyon. Ngayon niya lang nakitang ganito kaseryoso si Luke. Hindi siya sanay sa mga ganitong bagay.
“Nagbibiro ka lang, ‘di ba?” nauutal niyang sabi.
“Seryoso ako. Seryosong-seryoso,” diretso nitong sabi.
“Bakit ako?” hindi niya pa rin makapaniwalang sabi. Ayaw magsink-in sa kanyang utak ang mga nangyayari.
“Una palang kitang makita, nagustuhan na kita. Hindi ko magawang makapagtapat sa’yo kasi natotorpe ako,” paliwanag nito.
Tumawa na lang si Allison para hindi nakakailang ang maging atmospera sa pagitan nila. “Alam mo, gutom lang ‘yan. Bumalik ka na sa dalampasigan. Baka hinahanap ka na nila.” Isasara na sana niya ang pinto ngunit naiharang naman ni Luke ang kanyang kamay. “Umalis ka nga! Baka maipit ka!”
“Okay lang masaktan. Basta para sa’yo.”
“Tantanan mo nga ako! Hindi na nakakatawa!” iritableng sabi niya.
“Nakakatawa? Tama. Dahil sa’yo kaya ako nagkaganito. Dahil sa sobrang katorpehan ko, nadadaan ko na lang sa biro ang lahat para lang mapasaya ka. Para na rin mapalapit ako sa’yo. Ikaw lang naman ‘tong manhid, e. Hindi mo napapansin ang pagmamahal ko sa’yo,” paliwanag nito.
“Umalis ka nga!” Ayaw na niyang pakinggan pa ang kaibigan. Hindi bukas ang loob niya sa mga ganitong bagay. “Luke, tama na,” mahina niyang sabi. Nangunot naman ang noo ni Luke nang marinig ang sinabi niya. “Hindi ako handa sa mga ganitong bagay.”
Ngumiti lang ang binata sa kanya. “Wala akong pakialam kung handa ka man o hindi. Ang sa akin, hihintayin kita kahit gaano pa ‘yan katagal.”
Hindi na niya napigilan pa ang kanyang luha. Ngayon lang niya naramdaman na may nagbibigay importansya sa kanya kaya ilag siya sa mga ganito.
“Hindi naman ako naghihintay ng ‘Oo’ mo. Ang gusto ko lang naman ay malaman mo ang nararamdaman ko,” saad pa ni Luke.
“Maraming salamat,” nakangiti niyang sabi. Nagulat na lang siya nang bigla siyang yakapin ni Luke. Hindi niya alam ang gagawin.
“Yakapin mo na lang din ako,” saad nito. Sinunod na lang niya ang sinabi nito. Napakagaan sa pakiramdam, sa isip-isip niya.
Isinilid na lang niya ang sarili sa mga bisig ni Luke. Napakasaya niya sa mga sandaling iyon. Isang panaginip kung iisipin.
Nagising muli sa mahimbing na pagkakatulog si Manuel dahil sa ingay ng mga nag-uusap. Sa pagkakataong iyon, napansin niyang nakahiga na siya sa isang mesa. Gabi na ng mga oras na ‘yon at tanging sa kandila mula sa lampara ang nagsisilbing liwanag sa buong bahay.
Napansin niya ang dalawang lalaki na abalang nakain. Halos masuka naman siya nang malaman kung ano ang kinakain ng dalawa. Nalunok na lamang niya ang dapat na suka na kanyang ilalabas dahil sa sobrang pagpipigil na makalikha ng ingay.
Kinakain nila ang isang tao! Nakahiga ito katabi ng mesa kung saan siya nakahiga. Sinubukan niyang kumilos ngunit nanatiling nakagapos ang kanyang mga kamay at binti. Hindi niya maatim na panuorin ang dalawa habang nakain.
Butas ang tyan nito at kinukuha nila mula roon ang bituka nito. Tila isang longganisa kung kainin ng isa ang nakakasukang bituka. Naluluha na siya. Ayaw niyang ganoon rin ang sapitin.
Nagimbal siya sa sunod na nakita. Tinaga ng isa ang mukha ng bangkay at buong lakas na binuka ang bungo nito. Umagos mula roon ang napakaraming dugo. Sa tantiya niya, kanina lang nila pinatay ang bangkay dahil malapot pa ang mga dugo nito.
Sinipsip muna nito ang dugong naagos na tila ba ay tubig kung lagukin. Naliligo na ito sa dugo. Dinakot naman nito ang utak ng bangkay na tila ay buto na sisipsipin.
Gusto na niyang umalis. Pero nanghihina pa rin siya dahil sa mga sugat na natamo. Nilalangaw na ang mga iyon. Nauubusan na rin siya ng dugo at nanghihina dahil sa gutom.
Hindi na niya makilala ang kaninag bangkay dahil sa pangbababoy na ginawa ng dalawa. Naliligo na ito sa dugo, basag na ang mukha at halos wala na ring lamang-loob. Nagkalat ang mga parte ng katawan nito sa lapag. Nakakasuka kung pagmamasdan ngunit mas nakakasuka ang ginagawa ng dalawa.
“Gusto ko pang mabuhay,” hiling niya.
CHAPTER FIVE: Find
Hindi mapakali ang buong barkada dahil kay Cindy. Hindi na kasi nila nakita pang muli ang kaibigan matapos nitong kumuha ng alak para sa kanila kagabi. Hindi rin ito nagsabi kung saan pupunta.
“Saan niyo ba siya huling nakita?” tanong ni Allison kina Mikael at Jane na huling nakasama nito sa dalampasigan.
“Nagreprisenta kasi siya na siya na lang ‘yong kukuha ng alak sa storage room tapos ‘yon,” paliwanag naman ni Jane. Lahat sila ay nag-aalala. Wala silang ideya kung saan maaaring pumunta ang kaibigan. Wala naman kasi itong kilala sa Quezon Province kaya marahil ay hindi ito nagpunta sa bayan. Nasa resort pa rin ang van na sinakyan nila kaya marahil ay hindi ito umalis gamit iyon.
“Dala ba niya ‘yong cellphone niya?” tanong ni Mikael.
“Sa tingin ko, hindi. Nasa dalampasigan tayo kagabi kaya marahil ay hindi niya bitbit kasi may tyansang mabasa,” sagot naman ni Jane.
Wala na silang maisip na paraan para mahanap ang kaibigan kundi ang tumawag sa pulisya. Agad na kinuha ni Mikael ang kanyang cellphone at i-dinial ang numero ng lokal na departamento ng pulisya ng Quezon. Ilang saglit lang ay may sumagot na.
“Magandang araw po,” bati niya.
“Magandang araw rin. Si Detective Simon ito. Anong maipaglilingkod ko sa inyo?” sagot ng lalaki sa kabilang linya.
“Nawawala po kasi ang kaibigan namin,” saad ni Mikael sa mababang tono.
“O sige. Ibigay niyo lahat ng impormasyon sa akin tungkol sa kanya, maging ang inyong lokasyon ngayon. Susubukan kong makipag-ugnayan sa iba pang mga pulis dito.”
“Maraming salamat po,” saad niya saka binaba ang tawag. Ibinigay na rin niya sa pulis ang tungkol kay Cindy sa pamamagitan ng text. Nanatiling tahimik ang magkakaibigan. Pare-parehas silang nag-aalala para kay Cindy. Pare-parehas silang nagpapakiramdaman.
“Mabuti pa ay subukan na rin natin maghanap ngayon. Mas mapapadali ang paghahanap sa kanya kung tutulong na rin tayo,” suhestyon ni Luke. Tumango naman ang ilan bilang pagsang-ayon. Ito na lang din kasi ang tanging paraan para makita nila ang nawawalang kaibigan. Natatakot din kasi sila na baka sumapit muli ang gabi pero hindi pa rin nila nakikita si Cindy.
Balak nilang halughugin ang buong kagubatan. Doon nila napagpasyahang hanapin si Cindy. Nagsama sina Mikael at Jane samantalang si Luke at Allison naman ang nagsama sa paghahanap.
“Tawagan niyo kaagad kami kung mahahanap niyo si Cindy,” maawtoridad na sabi ni Mikael. Tumango naman ang dalawa at pumanoog na sa kaliwang bahagi ng kagubatan.
Natagpuan ni Carlo si Simon na nakalong-baba sa kanyang mesa, tulala at tila malalim ang iniisip. Minabuti niyang lapitan ang kaibigan upang kausapin.
“Oh bakit seryoso ka ‘ata masyado? May nadagdag na naman ba?” saad ni Carlo patungkol sa mga nawawalang tao sa Quezon Province.
Bumuntong hininga muna ang detective bago nagsalita. “Oo. Isa na naman. Hindi ko na mabilang sa daliri ang mga taong nawawala. Sunod-sunod. Linggo-linggo ang biglaang pagkawala. Nanatili pa rin sa sitwasyong walang nakakaalam ang kaso.
“Patagal ng patagal, parami rin naman ng parami. Sino kaya ang dahilan ng lahat ng ito?” tanong ni Carlo.
“Baka naman kasi hindi sino, kundi ano. Minsan gusto ko na tuloy maniwalang totoo ang aswang, alien, cannibal at zombie. Hindi naman kasi magagawa ito ng tao,” paliwanag ni Simon habang patuloy pa ring nakatingin sa kawalan.
“Kasi kung tao ang gumawa nito, uso na panigurado sa probinsya ang tungkol sa pagbebenta ng lamang-loob,” biro ni Carlo.
Napatingin si Simon sa orasang nakasabit sa dingding. Halos mag-aalas-tres na rin nang hapon. Kailangan na niya sigurong puntahan ‘yong taong tumawag kanina upang sabihin dito na wala pa rin siyang nakukuhang impormasyon tungkol sa kaibigan nilang nawawala.
“Aalis muna ako,” saad ni Simon saka tumayo. Kinuha niya sa upuan ang nakasampay na leather jacket.
“Sasama ako!” presinta naman ni Carlo. Wala naman siyang magagawa kahit na hindi niya payagan ang kaibigan. Mangungulit lang kasi ito at magpupumilit na sumama.
“May magagawa pa ba ako? Halika na!” Lumabas na sila ng istasyon at dumako sa sasakyan ni Simon.
Pagod na pagod na si Manuel. Hindi dahil sa trabaho kundi dahil sa pagpapahirap sa kanya habang siya ay buhay. Ilang araw na siyang hindi nakakakain. Ilang araw na rin ang dumaan na hindi nababasa ang kanyang bibig ng malinis at maayos na tubig.
Nanghihina na rin siya dahil sa kanyang sariwang mga sugat. Tila nararanasan niya ang impyerno dahil sa sakit na nararamdaman. Hinang-hina na siya. Dinaig pa niya ang pakiramdam na nasa impyerno.
Iginala niya muli ang kanyang mata. Awang-awa siya sa naging sitwasyon ng babae kagabi. Tila kataying baboy ang ginawa nila rito. Gusto man niyang mamatay na, hindi pa rin niya gustong magaya sa pambababoy na ginawa nila sa babaeng iyon.
Nakarinig siya bigla ng kaluskos. Ipinkit niya nang mariin ang kanyang mga mata. Hindi niya alam kung gaano pa katagal siyang mabubuhay. Iniyukom niya ang kanyang mga kamay dahil sa sobrang kaba. Idinadalangin niya na kung mamamatay siya ay sana sa matiwasay na paraan.
Palapit na ng palapit sa kanya ang tunog ng kaluskos. Katapusan na niya marahil.
Bumukas ang pinto. Hindi niya tinitingnan kung sino ang tao sa pintuan. Tumama sa kanyang mukha ang liwanag na nanggagaling sa labas.
“Tao po?” Idinilat niya ang kanyang mata nang marinig ang boses na iyon. Tila nabuhayan siya ng loob.
CHAPTER SIX: Danger
Tinititigan lang ni Simon ang address na nakasulat sa pinilas niyang papel mula sa kanyang notebook. Gusto niya sanang personal na sabihin sa mga ito ang kanyang nalalaman tungkol sa mga taong nawawala.
Tahimik lang na nakaupo sa tabi ng driver seat si Carlo. Pinagmamasdan lang nito ang paligid ng daan na kanilang binabagtas. Napansin naman iyon ni Simon at nagsimula na siyang magtaka.
“Bakit ba parang kanina ka pa palinga-linga? Sino bang hinahanap mo?” pagtataka ni Simon.
Humarap si Carlo kay Simon saka umayos ng upo. “Hindi mo ba natatandaan ang lugar na ‘to? Dito ‘yong may pabrika ng kemikal dati. ‘Yong pinasara kasi delikado sa mga taong naninirahan dito?”
Pilit inalala ni Simon ang sinabi ni Carlo. Dati ngang may nakatayong pabrika dito. Malawak iyon na halos sakupin na nito ang buong kagubatan. Pero dahil sa hindi inaasahang pangyayari, isinara ang pabrika at hindi na muli pang binuksan sa publiko.
“Naaalala ko nga pero napakatagal na rin no’n,” sagot ni Simon.
“Pero nakakapagtaka kasi. Simula nang isara ang pabrikang iyon, wala ng nagtangkang pumunta sa lugar na ito kaya nakapagtataka na may nakatayong resort pala malapit dito,” saad ni Carlo.
“Malay ko,” matipid naman niyang sagot. Ilang saglit lang ay nakarating na sila sa kanilang destinasyon. Bumungad sa kanila ng napakagandang resort. Tila isang paraiso ang lugar dahil na rin sa dagat na malapit dito. Dumiretso sila sa main gate ng resort.
Napansin nila ang katahimikan ng buong lugar kaya minabuti na nilang pumasok nang walang pahintulot. Wala naman silang gagawing masama kaya ayos lang kung dire-diresto lang sila.
Sinilip nila sa mga bintana kung may tao sa loob ngunit wala. Sinubukan rin niyang tawagan ang numero ng kanina’y tumawag.
“Out of coverage area,” nasambit niya. “Saan naman kaya silang lupalop pumunta?” pagtataka niya. Naglakad-lakad sila sa dalampasigan upang doon ay maghanap. Doon na lang din nila hihintayin ang mga ito.
Dumako ang mga mata niya sa kagubatan na bumabalot sa resort. Halatang hindi pa ginagalaw ang kagubatan at tinatayuan ng mga establishment dahil sa katandaan na ng mga puno.
“Sa tingin mo, naghanap din sila?” sabi ni Carlo habang nakatingin sa kagubatan.
Mariing tumingin lang si Simon sa gubat at pinagmasdan.
Tahimik na naglalakad sina Allison at Luke. Nahihiya sila sa isa’t-isa dahil na rin siguro sa naganap na pagtatapaat ni Luke kay Allison ng tunay nitong nararamdaman.
“Aaahh!” tili ni Allison nang biglang may bumagsak na sanga ng puno mula sa itaas. Agad naman siyang nilapitan ni Luke na nag-aalala.
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Luke. Tumango naman siya bilang tugon.
“May nahulog lang na sanga,” sagot niya. Nagpatuloy lang sila sa paglalakad at paghahanap. Nauunang maglakad si Luke habang nasa likuran naman niya si Allison.
Ilang saglit lang ay nakarinig siya ng kaluskos sa ‘di kalayuan. Napahinto siya at tiningnan ang lugar na pinanggalingan ng ingay. Iginala niya ang kanyang mata sa buong paligid.
“Cindy?” tawag niya rito. Nagtaka naman si Luke sa kanyang inasal.
“Bakit?” pagtataka nito.
Sumenyas naman si Allison na tumahimik si Luke habang patuloy na nilalapitan ang ingay ng kaluskos. Marahan siyang lumalapit sa pinanggagalingan nito.
Ngunit ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makita ang mga dugo sa paligid. Nangangatog ang mga binti niya dahil sa nakikita. Lalo pa siyang nagimbal nang makita ang isang lalaki habang kumakain ng sariwang unggoy.
Nailagay niya ang kanyang mga kamay sa bibig dahil sa pandidiri.
“Bakit? Anong mayroon?” Lumapit si Luke sa tinitingnan ni Allison. Maging ito ay halos masuka sa nakita. Nagkalat ang dugo sa paligid. Wakwak rin ang tiyan ng unggoy habang sarap-sarap na kinakain ng isang lalaki ang lamang-loob nito.
Dahan-dahang lumingon sa kanila ang lalaki. Duguan ang bibig nito na may matutulis na ngipin. Nakatiklop ang isa nitong mata na animo’y tinahi. Patulis rin ang ilong nito.
Ngumiti ito sa kanila ng nakakaloko.
“Kapag sinabi kong takbo, takbo,” wika ni Luke.
Nananatiling nakikipagtitigan sa kanila ang lalaki. Pawisan na ang kanilang mga noo. Nanginginig pa rin ang kanilang mga tuhod.
Nagitla sila nang biglang sumigaw ang lalaki na tila ba’y nagwawala. Ito na ang hudyat para sila ay tumakbo.
“TAKBO!” malakas na utos ni Luke. Mabilis na kumaripas nang takbo ang dalawa. Hindi nila alam kung sila mapapadpad nang kanilang pagtakbo. Basta ang alam nila ay gusto pa nilang mabuhay. Sumisigaw sa kanilang likuran ang lalaki at patuloy lang sa paghabol sa kanila.
“Gusto ko pang mabuhay,” pagsusumamo ni Allison.
“Hawakan mo lang ang kamay ko,” paninigurado ni Luke. Hinawakan naman ni Allison ang kamay nito habang patuloy na tumatakbo. Napansin nilang hindi na sila hinahabol ng lalaki. Pero hindi sila nagpakampante, nagpatuloy pa rin sila sa pagtakbo.
Sa hindi inaasahang pangyayari, nadapa silang pareho at napahiga sa kakahuyan. Nagsusumigaw naman si Luke sa sakit na nararamdaman.
“Bakit? Anong nangyari sa’yo?” pagtataka ni Allison. Napansin niyang hawak-hawak ni Luke ang kanyang binti habang patuloy na namimilipit sa sakit.
Isang bakal ang umipit sa paa ni Luke na marahil ay ginagamit sa pangangaso.
“Wait lang, tutulungan kita.” Lumapit si Allison sa bakal na kumagat sa paa ni Luke. Pilit niyang pinaghihiwalay ang mga talim ngunit lalo naman itong bumabaon sa binti ni Luke. Halos paghiwalayin na nito ang kanyang binti at paa.
“Humingi ka na lang ng tulong kina Mikael,” wika ni Luke. Agad namang kinuha ni Allison ang kanyang cellphone. Ngunit sa kasamaang-palad, walang signal sa lugar.
“Badtrip!” iritableng sabi niya.
“Bumalik ka na lang muna sa resort,” utos ni Luke.
“Hindi kita iiwan dito!” naluluhang sabi ni Allison. Hinawakan naman ni Luke ang kanyang kamay.
“Ayos lang ako dito,” pagsisiguro ni Luke.
“Babalik kaagad ako. Siguraduhin mong ayos ka lang. Dahil kung hindi… hindi mo na ako mapapangasawa.” Matapos ‘yon ay agad na tumayo si Allison at bumalik sa resort.
Naiwan namang may ngiti sa labi si Luke. Tila hindi na niya maramdaman ang sakit dahil sa tuwang nararamdaman.
CHAPTER SEVEN: Help
Magkasamang naghahanap kay Cindy sina Jane at Mikael. Pilit nilang iniinda ang pagod at sakit ng paa dahil sa kanina pang paglalakad. Wala pa rin kasi silang makitang bakas na makapagsasabi kung nasaan ang kanilang kaibigan.
“Cindy!” sigaw ni Mikael sa kawalan. Ngunit tila huni ng mga ibon at hampas lang ng hangin sa mga sanga ng puno ang maririnig.
“Nasaan na ba kasi ‘yon? Nakakapaagod na, ah,” iritableng sabi ni Jane dahil sa halos magmura na niyang mga paa.
“Konting-tiis na lang, Jane. Mahahanap rin natin siya,” wika ni Mikael. Bumuntong-hininga na lang si Jane at nagpatuloy sa paghahanap.
Sa ‘di kalayuan, natanaw ng dalawa ang isang lumang bahay. Agad silang lumapit roon upang makapagtanong. Marahil ay doon nila makikita ang kasagutan sa pagkawala ng kanilang kaibigan.
Mababakas sa bahay ang katandaan nito. Halatang napapabayaan na ang bahay na ito dahil sa marupok at lumang kahoy na dingding nito at nangangalawang nang mga bubong.
“Tao po?” wika ni Mikael kasabay ang pagkatok. “Tao po?” pag-uulit niya ng wala pa ring nasagot. Kahit walang pahintulot ay binuksan ni Mikael ang pinto. Umalingawngaw ang pag-ingit ng marupok na pinto sa buong lugar.
“Tao po?” saad muli ni Mikael. Napansin niya ang biglang paninigas ni Jane. Tulala itong nakatingin sa loob ng bahay. “Bakit? Anong mayroon?” Nanlalaki rin ang mga mata niya nang matanaw ang isang lalaking duguan na nakahiga sa isang mesa. Naliligo ito sa sariling dugo at puno rin ng sugat ang buong katawan.
“Aaaaahhhh!” malakas na tili ni Jane. “A-aa-ano y-yaan?” nangangatog nitong sabi habang tinuturo ang lalaking duguan na nakasalmpak sa mesa. Bigla namang nagtago si Jane sa likuran ni Mikael nang makita niyang kumikilos pa ang lalaki.
“S-sino ka?” pilit na sabi ni Mikael dahil sa takot na nararamdaman.
Iniangat ng lalaki ang kanyang kamay kasabay ng pagsambit ng, “Tulong…”
Nakaramdam naman ng awa si Mikael sa kalunos-lunos na sitwasyon ng lalaki. “Malubha siya,” saad ni Mikael. Akma niyang lalapitan sana ang lalaki ngunit pinigilan siya ni Jane.
“Paano kung kriminal ‘yan? Baka madamay tayo,” wika ni Jane.
“Puro sugat siya. Hindi niya tayo magagawang saktan,” paliwanag naman ni Mikael.
Narinig muli nilang nagsalita ang lalaki. “Tulungan niyo ako…” pagmamakaawa nito. Agad nang lumapit si Mikael sa kaawa-awang lalaki. Tinulungan niya itong makatayo.
“Ano ba, Jane? Tutunganga ka na lang ba d’yan? Tulungan mo ‘ko!” utos ni Mikael.
“Sabi ko nga.” Magkasabay na inakay nina Jane at Mikael ang lalaki palabas ng bahay. Balak nilang dalhin muna ito sa resort upang doon ay makahingi ng tulong at maremedyohan ang mga sugat sa katawan.
“Aahhh!” sigaw ng lalaki nang mahawakan ni Jane ang sugat nito sa tiyan.
Mariing tinitigan ni Jane ang dumamping kamay sa sugat ng lalaki kasabay ang pandidiri. Ipinahid na lamang niya iyon sa damit at nagpatuloy na lang sa paglalakad pabalik ng resort.
Hindi magkandaugaga si Allison pabalik sa resort. Balot pa rin siya ng takot dahil sa mga nakita kanina at sa sitwasyon ngayon ni Luke. Tagaktak ang kanyang pawis dahil sa pagod. Halos umagos na rin ang kanyang luha dahil sa sobrang takot.
Napansin niya sa dalampasigan ang dalawang lalaking nakauniporme ng pulis. Nabuhayan siya bigla ng loob dahil may maaari ng makatulong sa kanya.
“Tulong!” sigaw niya sa dalawa. Agad namang napalingon ang mga pulis nang marinig ang kanyang pagsigaw. “Tulungan niyo ako!” pagmamakaawa niya nang makalapit sa dalawang pulis.
“Anong nangyari? At bakit may dugo ang mga kamay mo?” pagtataka ng isang pulis na nagngangalang Simon.
“Inatake kami ng isang lalaki. Nakakatakot ang itsura niya! Nasa panganib ang kaibigan ko! Tulungan niyo kami!” naluluhang sabi ni Allison sa pulis.
“Hindi kaya ito ‘yung dahilan ng pagkawala ng ilang mga tao sa probinsya?” tanong ni Carlo sa kaibigan.
“Bilisan niyo na! Kailangan ko ng tulong niyo!” pagpupumilit ni Allison. Tumango naman ang dalawa saka dumiretso na sa kagubatan kasama si Allison.
Tahimik pa rin ang buong kagubatan. Hindi mo mababakasan na may kung anong nangyari. Alistong pinagmamasdan nina Carlo at Simon ang paligid sa posibilidad na may biglang umatake.
“Saan mo siya huling iniwan?” tanong ni Simon habang hindi inaalis ang mata sa masukal na gubat.
“Dito lang ‘yon, e. Nasaan na siya?!” pagtataka ni Allison nang makita ang lugar kung saan niya huling iniwan si Luke.
“May mga dugo sa paligid,” saad ni Carlo.
Marahil ito na ang kasagutan sa kanilang matagal ng iniimbestigahan. Ito na siguro ang makapagtuturo sa salarin sa sunod-sunod na pagkawala ng mga tao sa Quezon.
“Sundan natin ang bakas ng dugo,” utos ni Simon. Dahan-dahan nilang binabagtas ang bakas ng dugo na sa tingin nila ay galing kay Luke. Iniiwasan nilang makalikha ng malaking ingay dahil maaaring maalerto ang kalaban.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang palaso ang papunta sa kanila. Agad namang tinamaan sa tagiliran si Carlo. Umagos ang napakaraming sariwang dugo mula roon. Dali-dali namang nagpaputok ng baril si Simon sa pinanggalingan ng palaso.
“Alalayan mo muna siya. Pupuntahan ko lang ‘yung namana,” utos ni Simon. Tumango lang bilang tugon si Allison.
Agad na tumakbo si Simon papunta sa lalaking kanina’y namana. Nagpaulan pa ulit siya ng bala ng baril habang hinahabol ang lalaki. Tila bull’s eye nang tamaan ni Simon ang lalaki sa likod at bumulagta sa kakahuyan. Lumapit siya kaagad sa lalaki at pinagmasdan ang itsura nito.
Halos mangilabot siya nang makita ang mukha nito. Kakaiba ang porma at hugis ng mukha nito kung ikukumpara sa normal na tao.
“Anong ginawa mo sa mga tao?” tanong niya sa lalaki.
Hindi sumagot ang lalaki bagkus ay kinuha nito ang isang balisong na nakasukbit sa baywang at akmang ihahampas ito kay Simon. Hindi na nag-alinlangan pa si Simon na paputukan sa ulo ang lalaki.
Tumama ang bala ng baril sa noo nito at sumirit mula roon ang napakaraming dugo. Tuluyan na itong nawalan ng buhay at napahiga sa lupa.
“Saan kaya sila nanggaling?” pagtataka ni Simon na pilit bumabagabag sa kanya.
CHAPTER EIGHT: Lose
Namimilipit sa sakit nang magising si Luke sa gitna ng kakahuyan. Tila nagalaw ang kanyang paligid dahil sa paiba-ibang punong kanyang natatanaw. Naramdaman niya bigla ang pananakit ng kanyang paa. Doon lang niya napagtanto na may nahila sa kanyang paa habang naroon pa rin ang pansipit na bakal.
“Bitawan mo ako!” buong tapang niyang sigaw sa lalaking nahila. Tila isang bingi naman ang lalaki dahil hindi man lang nito pinansin ang sigaw niya. Nagpatuloy lang ito sa pagkaladkad sa kanya.
“Sabing bitawan mo ako!” sigaw niya muli. Sa pagkakataong iyon, kumapit siya sa isa sa mga batong tumatama sa kanyang ulo.
Bigla namang lumingon ang lalaki nang mapansin nito ang hindi niya pag-usad. Nanlaki naman ang mga mata ni Luke nang makita ang mukha nito. Katulad sa nakita nila ni Allison kanina, iba rin ang porma ng mukha nito. Nakakatakot at nakapandidiri kung pagmamasdan ang kabuuan ng kaanyuan nito.
Akma sana siyang hahawakan ng lalaki ngunit pinangsanggalang niya ang kanyang kamay dahil sa takot na saktan siya nito. Tinitigan na lamang siya ng lalaki at tumalikod na.
Nagsusumigaw siya sa sobrang sakit nang buong lakas na hilahin ng lalaki ang kanyang pang may sugat. Napabitiw siya sa kaninang hawak na bato dahil sa sakit. Nagpatuloy na lamang sa pagkaladkad ang lalaki kay Luke.
Kumuha ng bato si Luke at itinapon sa ulo ng lalaki. Tumigil ang lalaki at buong galit na humarap kay Luke. Napaatras siya dahil sa nakapangingilabot na titig ng lalaki sa kanya. Tila gusto siya nitong patayin.
“Anong gagawin mo sa’kin?” nahihintatakutang tanong ni Luke habang patuloy lang sa pag-atras.
Bigla na lamang naglabas ng patalim ang lalaki mula sa baywang nito. Napakatalas no’n dahil mapapansin ang makinis na pagkakahasa dito.
“Lumayo ka!” sigaw pa niya. Hindi pa rin natitinag ang matalim na titig ng lalaki sa kanya. Pinagpapawisan na siya dahil sa sobrang takot at para na rin sa kanyang kaligtasan. Nanlalamig ang kanyang mga palad. Hindi niya pa gustong mamatay.
Dahan-dahang lumalapit sa kanya ang lalaki habang itinututok ang patalim. Kaunting distansya na lang ay babaon na ito sa kanyang balat.
“Huwag! Maawa ka!” pagsusumamo niya.
Ngunit tila isang bingi ang lalaki, mabilis nitong ibinaon sa dibdib ni Luke ang patalim. Agad din naman nitong binunot iyon at umunday pa muli ng isang saksak sa dibdib. Umaagos sa katawan ni Luke ang napakaraming dugo. Nagkulay pula ang suot niyang puting damit dahil sa sobrang daming dugo na nawawala sa kanya.
Napahawak na lamang siya sa kanyang dibdib upang ampatan ang dugong lumalabas. Ngunit hindi pa roon natapos ang pagpapahirap sa kanya, iwinasiwas pa ng lalaki ang patalim sa mukha ni Luke dahilan upang magmukhang binabalatan ang kanyang mukha.
Nangingisay na napahiga sa kakahuyan si Luke dahil sa panghihina. Hindi na niya magawang makakilos pa dahil sa sobrang sakit na nararamdaman. Tila manhid na rin naman ang kanyang katawan sa sakit na nararamdaman.
Nakita na lamang niyang hiniwa ng lalaki ang kanyang tiyan gamit ang patalim. Kinuha nito ang mga lamang-loob niya saka kinain. Unti-unti ng nagdidilim ang kanyang paningin dahil sa panghihina. Hindi na niya kaya pa ang sakit.
“Patawad, Allison.” Matapos iyon ay naipikit na niya ang kanyang mata ng panghabambuhay.
Hingal na bumalik kina Allison at Carlo si Simon matapos ang paghabol sa kaninang lalaki. Napansin niyang nanghihina ang kaibigan dahil sa palasong tumama sa katawan nito. Maraming dugo na rin ang nawala rito.
“Kailangan nating bumalik muna sa resort?” suhestyon ni Simon.
Nangunot naman ng noo si Allison. “Paano si Luke?! Sugatan din siya! Hindi naman pwedeng iwan na lang natin siya! Panganib kung mag-iisa siya!” galit na sabi ni Allison.
“Pero kailangan din naman ng tulong ng kaibigan ko. Saka nawawala siya. Wala na rin naman tayong kasiguraduhan kung buhay pa siya.”
Isang malutong na sampal ang lumapat sa mukha ni Simon matapos niyang sabihin iyon. Matalim na nakatingin sa kanya si Allison.
“Buhay pa ang kaibigan ko! Nangako siya sa akin!” sigaw ni Allison. Matapos ‘yon ay mabilis na kinuha ni Allison ang baril na nakasukbit sa baywang ni Simon.
“Paanong? Saan mo gagamitin ‘yan?” Akma sanang kukunin ni Simon ang baril nang biglang itinutok sa kanya ito ni Allison.
“Kung hindi niyo ako sasamahan, pwes! Ako na lang mag-isa ang maghahanap kay Luke,” saad ni Allison.
“Ngunit mapanganib sa kagubatan. Lalo na’t babae ka pa,” pag-aalala naman ni Simon sa dalaga.
“Para sa taong mahal ko, gagawin ko ang lahat.” Matapos ‘yon ay agad na umalis si Allison upang hanapin si Luke. Naiwan naman ang dalawang pulis sa kakahuyan.
“Nalutas na kung sino ang salarin sa sunod-sunod na pagkawala ng mga tao. Pero ilan kaya sila at saan sila nanggaling?” tanong ni Simon sa sarili.
CHAPTER NINE: Bravery
Nakabalik na sa resort sina Mikael at Jane kasama ang lalaking natagpuan nila sa lumang bahay sa gitna ng kagubatan. Agad nila itong inupo sa sofa at ginamot ang mga sugat upang malagyan ng paunang lunas nang hindi na ito lumala.
“Ano bang pangalan mo?” tanong ni Jane sa lalaki.
“M-manuel…” nanghihina nitong sabi. Biglang sumagi sa isipan ni Mikael ang katiwala nila sa resort na nagngangalang Manuel. Bigla kasi itong nawala nang wala man lang pasabi kung saan pumunta o sadyang iniwan na lang ang trabaho nito bilang katiwala.
“Ikaw ba ‘yong katiwala namin dito? Matagal ka na namang hinahanap. Akala ko’y umalis ka na. Ano bang nangyari sa’yo?” tanong ni Mikael.
Bigla namang naalala ni Manuel ang mga paghihirap na dinanas niya sa kamay ng tatlong lalaking may kakaibang itsura. Tila gumuguhit sa kanyang katawan muli ang matatalas na pangil ng mga ito. Maging ang mga patalim na ginawang panghiwa sa kanyang sariwang balat ay bumabalik sa kanyang alaala.
“M-mga h-hayop s-sila!” nanginginig niyang sabi dahil sa sobrang galit. Nangunot naman ang mga noo ni Mikael at Jane dahil sa sinabi nito. Wala silang ideya sa dinanas ni Manuel maliban na lamang sa mga sugat na mayroon ito na marahil ay mula sa labis labis na pagpapahirap.
“Ano bang ginawa nila sa’yo?” tanong muli ni Mikael.
Nakayukom ang mga kamay ni Manuel. Halatang nagpipigil ito ng kanyang galit na may tyansang sumabog. “Hindi sila mga tao! Mga hayop sila!”
“Hindi ka namin maintindihan. Ano bang sinasabi mo? Sinong sila?” pagtataka ni Mikael.
“Hindi sila mga tao. Kakaiba ang mga itsura nila. Animo’y mga hayop kung umasal sila! Nakakapangilabot ang mga ngiti nila.” Habang ikwinikwento ang mga lalaking nagpasakit sa kanya, kasabay no’n ang pangangatog ng kanyang katawan dahil sa takot.
“Mabuti pa nga’y magpahinga ka na muna.” Tinulungan nila si Manuel na makahiga upang makapagpahinga na rin pansamantala. Iniwan na muna nila ito at dumako sa dalampasigan.
Tahimik ang dalawa matapos marinig ang kwento ni Manuel. Tila may kutob sila na may nangyayaring kababalaghan sa lugar.
“Hindi kaya, sila rin ang kumuha kay Cindy? Sa tingin mo?” tanong ni Jane sa tahimik na si Mikael.
“Hindi ko rin alam. Mahirap paniwalaan ang mga sinabi niya sa atin. Lalo na’t wala namang pruweba na makapagsasabi na may ganoon nga.”
“Pero parang totoo. Hindi naman siya matatakot nang ganoon kung hindi totoo, ‘di ba? Saka paano mo maipapaliwanag ‘yong mga sugat niya sa katawan? Hindi naman pwedeng nanggaling ‘yon sa mga mababangis na hayop dito sa gubat,” kinakabahang sabi ni Jane.
“Siguro. Mabuti’y tawagan na muna natin sila Allison. Magtatakip-silim na rin. Ipagbukas na lang natin ulit ang paghahanap.” Kinuha ni Mikael ang cellphone sa kanyang bulsa. Sa kasamaang-palad ay walang signal sa lugar kung nasaan sila Allison.
“Kinakabahan tuloy ako,” saad ni Jane habang hawak-hawak ang kanyang dibdib.
“Mag-iingat kayo, Allison at Luke,” bulong ni Mikael sa kanyang sarili.
Mag-isang ginalugad ni Allison ang masukal na kagubatan. Tahimik pa rin ang lugar. Sinusundan na lamang niya ang dugo kung saan ito patungo. Mabato ang daang kanyang tinatahak. Puro puno rin na matatayog ang makikita.
“Luke,” tawag niya rito. Sapat lang para marinig upang hindi rin siya gaanong makalikha ng ingay.
“Luke,” tawag pa niyang muli.
Napansin niya ang isang lalaking nakahandusay sa hindi kalayuan. Minabuti niyang lapitan iyon upang makasiguro. Ngunit ganoon na lamang ang kanyang pagkagimbal nang makita ang itsura nito. Naliligo ito sa dugo at wakwak ang tiyan. Nagkalat rin ang mga lamang-loob nito sa lupa.
Napaluhod siya nang makilala ang lalaking nakahandusay. Si Luke! Halos tapyas na ang mukha nito na kitang-kita na ang bungo. Nakilala lamang niya ito dahil sa suot na damit.
Naluluha siya habang nilalapitan ang kaawa-awang katawan ni Luke. Hindi niya mapigilan ang humagulgol dahil sa sobrang lungkot.
“Luke!” sigaw niya sa sobrang galit sa gumawa nito.
Hindi niya lubos maisip na mamatay ang kanyang kaibigan. Galit na galit siya sa taong gumawa nito. Hindi niya mapapatawad ang taong gumawa nito kay Luke. Sisiguraduhin niyang magbabayad ang taong gumawa nito.
Kumuha na lamang siya ng mga dahon saka inilagay sa katawan ni Luke.
“Magbabayad ang gumawa sa’yo nito. Hindi ko sila mapapatawad,” galit na sabi ni Allison.
Naglakad na siya sa kagubatan ng buong tapang habang bitbit ang rebolber na nakuha niya mula kay Simon. Handa niyang patayin ang salarin sa pagkamatay ni Luke.
CHAPTER TEN: Dark
Bumalik na sa loob sina Jane at Mikael. Doon na lamang nila hihintayin sina Allison at Mikael. Sa kanilang pagpasok, naabutan nilang natutulog na si Manuel. Marahil ay sobra sobra ang sakit na nararamdaman nito dahil sa mga sugat na natamo.
“Nakakaawa siya,” saad ni Jane habang pinagmamasdan ang kawawang lalaki.
“Darating na rin naman mamaya ang ambulansya para maihatid siya kaagad sa ospital,” wika naman ni Mikael. “Sige, aakyat na muna ako. Titingnan ko kung may signal na sa taas. Malapit na kasing magdilim. Kailangan ng makauwi nila Luke at Allison.”
“Sige,” matipid niyang sagot. Tumungo na si Mikael sa taas habang naiwan naman para magbantay kay Manuel si Jane. Habang naiwan sa ibaba, hindi naman mapalagay si Jane. Pakiramdam niya ay may mga matang nagmamasid sa kanya. Napayakap siya sa sarili dahil sa takot na nararamdaman. Minabuti na lamang niyang maupo sa sala at buksan ang telebisyon upang doon ituon ang atensyon.
Maya-maya’y bigla na lamang may narinig na kaluskos si Jane. Nabalikwas siya mula sa pagkakaupo dahil sa sobrang pagkagulat. Mariin niyang tinitigan ang pinanggagalingan ng ingay. Hindi siya kumikilos sa kanyang kinatatayuan. Kinakabahan siyang lumapit dahil sa maaaring makita o bumungad sa kanya. Bigla kasing sumagi sa kanyang isipan ang mga sinabi ni Manuel kanina.
“Sino ‘yan?” kinakabahan niyang tanong habang hindi pa rin umaalis sa kinatatayuan. Nakatitig lang siya sa sliding door. Halos mapatalon naman siya nang biglang may kumatok sa pintuan.
“Tulong!” sigaw ng isang lalaki. Agad namang lumapit sa pintuan si Jane at pinagbuksan ang kaninang kumakatok.
Bumungad sa kanya ang dalawang lalaki. Akay-akay ng isang lalaki ang duguan nitong kasamahan. “Anong nangyari sa inyo?” pagtataka ni Jane dahil sa nakitang duguan na kasama ng lalaki. Parehas silang nakaunipormeng pangpulis.
“Inatake kami sa kagubatan. Delikado ang lugar na ito. Kailangan niyo kaagad na makaalis. Pero bago ang lahat, kailangan ng paunang lunas ng kaibigan ko,” saad nito saka dinala sa sofa ang kaibigan. Nakita ni Simon ang isang lalaki na nakahiga rin sa sofa habang inihihiga si Carlo.
“Siguro ay ganoon din ang nangyari sa kanya. Natagpuan na lang namin siya sa gitna ng kagubatan,” ani Jane patungkol kay Manuel nang makitang nakatitig si Simon rito.
“Sabi na, e. Hindi normal ang sunod-sunod na pagkawala ng mga tao dito sa probinsya. Kayo ba ‘yong tumawag kanina na humihingi ng tulong para sa nawawala ninyong kaibigan?”
“Kami nga po.”
“Nasa panganib ang kaibigan mo. Kasamahan mo rin siguro ‘yong Luke at ‘yong kasama niyang babae. Dumako siya sa gitna ng gubat para hanapin ang kaibigan niyo,” saad ni Simon.
“Oh my ghadd! Paano na sila? Anong gagawin natin?” nahihintatakutang tanong ni Jane kay Simon.
“Tatawagan ko pa ang ibang pulis. Pero sa ngayon, mag-iingat muna tayo. Maaaring nasa paligid lang sila,” wika ni Simon. Kasabay no’n ay ang biglang pagkawala ng kuryente sa buong resort. Napatili naman sa pagkabigla si Jane. Tanging sa liwanag na lang ng buwan umaasa sina Jane at Simon.
Bumaba naman mula sa itaas si Mikael upang tingnan ang nangyari. Agad naman nitong napansin na may ibang tao sa loob ng resort.
“Ako si Detective Simon. Delikado ang lugar na ito. Kailangan nating makaalis kaagad,” paunang sabi kaagad ni Simon. Bigla silang nakarinig ng kaluskos mula sa labas. Naalerto ang mga mata nila sa buong paligid.
“Saan galing ‘yon?” pagtataka ni Mikael.
Maya-maya’y may narinig silang nabasag na dingding dahil nga sa gawa sa babasagin ang mga dingding ng resort. Kasabay no’n ay ang isang palakol na inihagis mula sa kawalan. Tumama iyon sa mukha ni Jane.
Agad na napabulagta ang kaawa-awang katawan ni Jane sa sahig. Tila isang nangingisay na baboy si Jane matapos nitong tamaan. Napuno ang buong katawan nito ng dugo. Nanlalaking mata namang tinitigan lang ni Mikael ang kaibigan dahil sa sobrang pagkabigla.
Nagpaputok naman ng baril si Simon sa pinanggalingan nito. “Bantayan mo ang iba. Hahabulin ko lang ‘yon,” utos niya kay Mikael na tulala pa rin.
Dahan-dahang lumapit si Mikael sa kaibigan habang natulo ang mga luha. Hindi siya makapaniwalang mamamatay kaagad ang kaibigan at mismong sa harapan pa talaga niya. Napaluhod na lamang siya habang akmang hahawakan ang duguang katawan nito.
“Jane…” saad niya sa pagitan ng kanyang mga luha. “Magbabayad ang gumawa nito sa kaibigan ko! Magbabayad siya!” Halos umapoy ang mga mata ni Mikael dahil sa sobrang galit na nararamdaman. Gusto niyang maghiganti sa mga lalaki iyon! Hindi niya sila mapapatawad! Buhay ang kanyang babawiin na kabayaran.
Lumabas siya at matulin na hinabol ang lalaking gumawa nito kay Jane.
Halos magdidilim na sa kagubatan. Mabuti na lang ay maliwanag ang buwan ngayon kaya may sapat na liwanag si Allison para hanapin si Luke.
Patuloy pa rin sa paghahanap si Allison sa tunay na kinaroroonan ni Luke. Hindi siya titigil hangga’t hindi niya nahahanap ang kaibigan. Pursigido siyang mahanap ito lalo na’t hindi pa niya nasasabi kay Luke kung gaano niya kamahal ito.
Tahimik lang siyang naglalakad. Animo’y nasa isa siyang pelikulang pangkatatakutan dahil sa nararamdaman niya sa lugar. Hindi niya batid ang panganib na maaari niyang danasin sa lugar.
Habang naglalakad, hindi niya napansin ang isang patibong sa kanyang nilalakaran. Agad siyang dumausdos paibaba sa hukay na may lalim ng ilang talampakan.
Nanghihinang napaupo si Allison sa hukay. Mataas-taas rin ang kanyang kinahulugan sanhi sa mga nabali rin niyang buto sa katawan. Nagalusan rin ang ilang bahagi ng kanyang katawan dahil sa pagkakahulog. Pinilit niyang makatayo upang makaalis roon ngunit kulang ang kanyang lakas upang buhatin ang sarili. Tila nabali ang kanyang paa dahil sa sobrang sakit nito.
“Kailangan kong makaalis dito,” saad ni Allison habang tinititigan ang taas.
Marahil ay walang makakarinig sa kanya dahil wala namang taong naglalagi sa kagubatan. Kailangan niyang gumawa ng paraan. Ayaw naman niyang maghintay na lang sa taong sasaklolo sa kanya.
Napansin niyang tila may tao sa taas. “Tulong!” sigaw niya kaagad. Pero isang usok ang napasok sa hukay. Kasabay no’n ay ang pandidilim ng kanyang paningin. Hindi niya mawari ang kanyang nararamdaman. Parang gusto na lang niyang matulog dahil sa sobrang pagkaantok.
Ilang saglit lang ay napahiga na siya sa lupa kasabay ang pagkawala ng kanyang ulirat.

