loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Closet Psalms (COMPLETED)

Closet Psalms (COMPLETED)

Tamadins · 32 chapters · 40,192 words

Simula

“Kael, go ahead,” sabi ni Prof. Santos, parang nagbibigay ng pahintulot na ipagpatuloy ko ang linya ng depensa ko. Huminga ako nang malalim, sinubukang gawing kalmado ang boses kahit mabilis ang tibok ng puso ko.

“Ang punto ko lang po,” panimula ko, “hindi natin puwedeng ipilit ang parehong kahulugan ng isang batas mula sa sinaunang Israel sa kasalukuyang panahon nang hindi inaalam ang dahilan kung bakit ito isinulat. Hindi ba’t ang Hermeneutics mismo ang nagtuturo sa atin na ang teksto ay kailangang unawain ayon sa konteksto ng mga nakasulat at ng mga unang nakabasa nito?” Narinig ko ang pagkaluskos ng bolpen, may nagsusulat ng notes, may ibang nakikinig lang pero halatang nahihila ng tensyon. Si Nathanael agad ang sumagot, walang bakas ng pag-aalinlangan.

“Pero Kael, hindi ba’t kung susundin natin ang takbo ng iniisip mo, halos lahat ng malinaw na utos sa Biblia ay puwedeng i-reinterpret depende na lang sa konteksto? Hindi ba delikado ’yon? Kung gano’n, parang sinasabi mong wala nang absolute truth.”

Absolute truth.

Parang dumiretso sa sikmura ko ang salitang iyon. Gusto kong sumang-ayon, gusto kong sabihin, oo Nath, may mga absolute truths, pero hindi lahat ng ginagamit para husgahan ang tulad ko ay iyon mismo. Pero hindi puwedeng lumabas ang “ tulad ko. “ Kaya ngumiti lang ako ng pilit.

“Hindi ko sinasabi na walang absolute truth,” sagot ko, pilit na pinapatatag ang tono ko. “Ang sinasabi ko, baka mali lang ang basahin ang isang talata na hiwalay sa kabuuang mensahe ng Kasulatan. At kung tutuusin, si Jesus mismo ang nagsabi na ang pinakamahalagang kautusan ay ang pagmamahal una sa Diyos, at pangalawa sa kapwa.” May mga bumuntong-hininga. May ilan na tumango. Para bang kahit papaano, nakakuha ako ng maliit na puntos. Pero mabilis din ang rebuttal ni Nathanael.

“Love, oo. Pero hindi ba’t tunay na pagmamahal ang ituwid ang mali? Kung may nagsasabi ang Biblia na kasuklam-suklam, paano natin masasabi na love ang magbulag-bulagan at sabihing okay lang? Kung ako, pipiliin ko pa ring tumindig sa nakasulat kaysa iayon ito sa kagustuhan ng tao.” Ang tapang niya. Ang diretso. Para bang wala siyang pag-aalinlangan na sabihin ang lahat. Samantalang ako, nakatago ang lahat ng bigat sa likod ng bawat maingat na salita.

Pinilit kong hindi ipakitang tinamaan ako. Hindi niya alam, Kael. Hindi niya alam na bawat salitang binibitawan niya, parang tinatadtad ang sarili mong katauhan. Kaya ngumiti ako ulit, parang walang epekto.

“Pero Nath, kung ituturing natin na mali ang lahat ng nabanggit sa Leviticus, paano yung iba pang utos na hindi natin sinusunod ngayon? Hindi ba’t pumipili lang din tayo kung alin ang ipapasa bilang eternal moral law at alin ang ceremonial? Ang tanong, sino ang may kapangyarihang pumili? Hindi ba’t mapanganib na tayo-tayo lang ang nagdedesisyon kung alin ang dapat sundin?” Tahimik ang klase sandali. May narinig akong mahina pero malinaw na “ oo nga, may punto. “ Pero si Nathanael, hindi bumitaw.

“Hindi tayo pumipili, Kael. Ang Scriptures mismo ang malinaw sa paghihiwalay ng ceremonial at moral. At kung susundan natin ang witness ng New Testament, hindi ito binura. Sa halip, pinagtibay. Kaya’t kung mahal talaga natin ang kapwa, dapat sabihin natin ang katotohanan kahit masakit.”

At doon ako natigilan. Dahil kahit paano, gusto ko ring paniwalaan iyon na ang pagmamahal ay dapat matapat. Pero paano kung ang tinatawag niyang “ katotohanan “ ay ang mismong bagay na paulit-ulit na pumapatay sa akin nang dahan-dahan?

Nathanael .. kung alam mo lang. Kung alam mo lang na ang bawat salitang binibitawan mo ay parang kutsilyo. Pero bakit sa kabila ng lahat, sa boses mo pa rin ako nakakahanap ng kakaibang init?

“Gentlemen,” putol ni Prof. Santos, bahagyang nakangiti. “Save your fire for next session. Ang importante, natututo tayo na hindi pwedeng one-liner lang ang pagbasa ng Biblia. Kailangan palaging may masusing pagsusuri. Excellent start for the semester.”

Nagliparan ang mga papel at notebooks nang mag-dismiss ang klase, pero ako, ako’y naiwan sa upuan, ramdam pa rin ang bigat ng bawat salitang naipukol. At higit sa lahat, ramdam ko na ito ang simula. Simula ng isang debate na hindi lang tungkol sa teksto, kundi tungkol sa akin.

———————————————

Hellonpo!  💌 This is a BL fictional story set in a theology/seminary context. The verses, debates, and reflections here are part of the plot and are not meant to disrespect or attack any religion, church, or belief.

Lahat ng characters at situations ay gawang-imahinasyon lamang. Any resemblance to real people, events, or places is purely coincidental. This story is about exploring faith, identity, and love in a very personal and fictional way. Please read with an open mind. Thank you!🙏

———————————————

KABANATA I

Amoy na amoy ko ang pinaghalong bagong photocopy na handouts, lumang kahoy ng upuan, at kape na tinagayan ng isa sa mga kaklase kong mukhang hindi natulog buong gabi. Ganito lagi ang amoy ng pasimula parang may halo ng kaba, antok, at kaunting excitement.

Tahimik lang ako habang pumapasok sa lecture hall. Pinili ko ang upuan sa gilid, hindi sobrang harap, hindi rin pinakalikod yung tipong hindi ako halata pero kaya kong marinig ang lahat. Sanay na akong magtago sa gitna ng ingay ng klase. Kung pwede lang akong maging invisible, baka ginawa ko na.

Nasa unahan si Prof. Santos, kalmado lang habang inaayos ang kanyang mga notes. “Hermeneutics,” sabi niya, “ay hindi lang basta pagbasa ng Biblia. Ito ay ang masusing pag-unawa, pagbubuklat ng mga konteksto, kultura, at intensiyon ng teksto.” Nagsimula siyang magtanong kung sino raw ang gustong magsimula ng diskusyon. Tahimik ang buong klase. Parang biglang nagkasundo ang lahat na ayaw magsalita. Pero may isa agad na nagtaas ng kamay.

Si Nathanael.

Palaging siya. Confident, matatas, at laging handang ipagtanggol ang “ straightforward “ reading ng Biblia. Wala sa kanya ang hiya. Para bang mas natural pa sa kanya ang magsalita kaysa huminga.

“Sir,” panimula niya, “gusto ko pong simulan sa Leviticus 18:22. Malinaw naman po, sabi roon,

‘Huwag kang sisiping sa kapwa lalaki gaya ng sa babae; ito’y kasuklam-suklam.’

Hindi ba sapat na ebidensya na hindi talaga tinatanggap ng Diyos ang ganyang gawain?“ Ramdam ko ang biglang pagbabago ng hangin. May ilang tumango, may iba namang umiwas ng tingin. Ako? Para akong binuhusan ng malamig na tubig.

Hindi ko alam kung dahil ako ang pinakamalapit sa talatang iyon, o dahil may tinatago ako, pero pakiramdam ko nakatutok sa akin lahat ng tingin.

Sa dami ng maaaring maging talakayin ay ito pa?

“Any thoughts?” tanong ni Prof. Santos, tumingin sa paligid. At bago ko pa mapigilan ang sarili ko, narinig kong nagsalita ang sariling bibig ko

“Sir… with all due respect, baka kailangan din nating tingnan ang konteksto.” Biglang umikot sa akin ang mga ulo. Pati si Nathanael, ngumiti nabg bahagya, parang natagpuan na niya agad ang magiging katunggali.

“Konteksto?” ulit niya, nakataas ang kilay. “Pero Kael, malinaw naman ang nakasulat. Ano pa bang konteksto ang kailangan mo?” Napakagat ako ng labi. Huminga nang malalim.

“Hindi kasi pwedeng tanggalin sa kultura ng panahon iyon. Ang Leviticus ay bahagi ng Holiness Code, na nagbabawal din ng pagkain ng hipon, o pagsusuot ng damit na magkahalong tela. Kung pipiliin lang natin yung verse na ito para hatulan ang tao, hindi ba’t dapat pantay rin nating sundin ang lahat?” May mga bulungan sa klase. Yung iba, napayuko, yung iba napatingin kay Prof. Santos na tila inaabangan ang reaksyon niya. Pero si Nathanael, hindi natinag.

“Pero Kael,” sagot niya, mas buo na ang boses, “ibang usapan ang moral law sa ceremonial law. Ang moral law, gaya ng talatang ito, ay permanente. Hindi ito tulad ng dietary restrictions na natapos na sa New Covenant. Kaya hindi mo pwedeng basta isantabi.”

“Hindi ko sinasantabi,” sagot ko agad, kahit ramdam kong nanginginig ang kamay ko sa ilalim ng mesa. “Ang sinasabi ko, baka mali ang pagbasa natin kung literal lang. Ang kasuklam-suklam na binabanggit, maaaring tumutukoy sa idolatrous practices noon hindi sa simpleng ugnayan ng dalawang tao.”

Halos magkasabay kaming nagsalita muli.

Nathanael: “Pero malinaw ang wika—”

Ako : “Pero may konteksto ang bawat salita—”

Napangiti si Prof. Santos, tinaas ang kamay para patahimikin kami.

“Gentlemen, very good. This is hermeneutics in action. Continue, pero isa-isa.” At doon nagsimula ang unang tunay naming sagupaan ni Nathanael, sa harap ng lahat ako na sanay manahimik, at siya na sanay magsalita.

Nagpatuloy siya sa pagsasalita. Ramdam ko ang laman noon ngunit patuloy pa rin akong nahahabag.

“Kael, go ahead,” sabi ni Prof. Santos, parang nagbibigay ng pahintulot na ipagpatuloy ko ang linya ng depensa ko. Huminga ako nang malalim, sinubukang gawing kalmado ang boses kahit mabilis ang tibok ng puso ko.

“Ang punto ko lang po,” panimula ko, “hindi natin puwedeng ipilit ang parehong kahulugan ng isang batas mula sa sinaunang Israel sa kasalukuyang panahon nang hindi inaalam ang dahilan kung bakit ito isinulat. Hindi ba’t ang Hermeneutics mismo ang nagtuturo sa atin na ang teksto ay kailangang unawain ayon sa konteksto ng mga nakasulat at ng mga unang nakabasa nito?” Narinig ko ang pagkaluskos ng bolpen, may nagsusulat ng notes, may ibang nakikinig lang pero halatang nahihila ng tensyon. Si Nathanael agad ang sumagot, walang bakas ng pag-aalinlangan.

“Pero Kael, hindi ba’t kung susundin natin ang takbo ng iniisip mo, halos lahat ng malinaw na utos sa Biblia ay puwedeng i-reinterpret depende na lang sa konteksto? Hindi ba delikado ’yon? Kung gano’n, parang sinasabi mong wala nang absolute truth.”

Absolute truth.

Parang dumiretso sa sikmura ko ang salitang iyon. Gusto kong sumang-ayon, gusto kong sabihin, oo Nath, may mga absolute truths, pero hindi lahat ng ginagamit para husgahan ang tulad ko ay iyon mismo. Pero hindi puwedeng lumabas ang “ tulad ko. “ Kaya ngumiti lang ako ng pilit.

“Hindi ko sinasabi na walang absolute truth,” sagot ko, pilit na pinapatatag ang tono ko. “Ang sinasabi ko, baka mali lang ang basahin ang isang talata na hiwalay sa kabuuang mensahe ng Kasulatan. At kung tutuusin, si Jesus mismo ang nagsabi na ang pinakamahalagang kautusan ay ang pagmamahal una sa Diyos, at pangalawa sa kapwa.” May mga bumuntong-hininga. May ilan na tumango. Para bang kahit papaano, nakakuha ako ng maliit na puntos. Pero mabilis din ang rebuttal ni Nathanael.

“Love, oo. Pero hindi ba’t tunay na pagmamahal ang ituwid ang mali? Kung may nagsasabi ang Biblia na kasuklam-suklam, paano natin masasabi na love ang magbulag-bulagan at sabihing okay lang? Kung ako, pipiliin ko pa ring tumindig sa nakasulat kaysa iayon ito sa kagustuhan ng tao.” Ang tapang niya. Ang diretso. Para bang wala siyang pag-aalinlangan na sabihin ang lahat. Samantalang ako, nakatago ang lahat ng bigat sa likod ng bawat maingat na salita.

Pinilit kong hindi ipakitang tinamaan ako. Hindi niya alam, Kael. Hindi niya alam na bawat salitang binibitawan niya, parang tinatadtad ang sarili mong katauhan. Kaya ngumiti ako ulit, parang walang epekto.

“Pero Nath, kung ituturing natin na mali ang lahat ng nabanggit sa Leviticus, paano yung iba pang utos na hindi natin sinusunod ngayon? Hindi ba’t pumipili lang din tayo kung alin ang ipapasa bilang eternal moral law at alin ang ceremonial? Ang tanong, sino ang may kapangyarihang pumili? Hindi ba’t mapanganib na tayo-tayo lang ang nagdedesisyon kung alin ang dapat sundin?” Tahimik ang klase sandali. May narinig akong mahina pero malinaw na “ oo nga, may punto. “ Pero si Nathanael, hindi bumitaw.

“Hindi tayo pumipili, Kael. Ang Scriptures mismo ang malinaw sa paghihiwalay ng ceremonial at moral. At kung susundan natin ang witness ng New Testament, hindi ito binura. Sa halip, pinagtibay. Kaya’t kung mahal talaga natin ang kapwa, dapat sabihin natin ang katotohanan kahit masakit.”

At doon ako natigilan. Dahil kahit paano, gusto ko ring paniwalaan iyon na ang pagmamahal ay dapat matapat. Pero paano kung ang tinatawag niyang “ katotohanan “ ay ang mismong bagay na paulit-ulit na pumapatay sa akin nang dahan-dahan?

Nathanael .. kung alam mo lang. Kung alam mo lang na ang bawat salitang binibitawan mo ay parang kutsilyo. Pero bakit sa kabila ng lahat, sa boses mo pa rin ako nakakahanap ng kakaibang init?

“Gentlemen,” putol ni Prof. Santos, bahagyang nakangiti. “Save your fire for next session. Ang importante, natututo tayo na hindi pwedeng one-liner lang ang pagbasa ng Biblia. Kailangan palaging may masusing pagsusuri. Excellent start for the semester.”

Nagliparan ang mga papel at notebooks nang mag-dismiss ang klase, pero ako, ako’y naiwan sa upuan, ramdam pa rin ang bigat ng bawat salitang naipukol. At higit sa lahat, ramdam ko na ito ang simula. Simula ng isang debate na hindi lang tungkol sa teksto, kundi tungkol sa akin.

KABANATA II

Natapos ang klase, pero hindi natapos ang bigat sa dibdib ko. Ang ibang kaklase ko ay nagsimula nang magligpit ng gamit, nagtatawanan, para bang walang nangyari kanina. Pero ako, parang naiwan pa rin sa gitna ng debate kanina. Habang pinupulot ko ang ballpen ko, may naramdaman akong huminto sa tabi ko. Si Nathanael.

“ Kael ,“ mahinahon niyang tawag. Hindi galit, pero may bigat. Napatingala ako sa kaniya dahil mas matangkad siya kumpara sa akin kasabay nito ay pilit na pinapakita ang mahinahong mukha.

“Oh, bakit?”

“ Pwede ba tayong mag-usap? Sa labas.“ Ramdam ko agad ang ilang matang nakatingin sa amin. Nagbiro pa si Mark sa likod, “ Uy, showdown part two!“ pero agad din natahimik. Hindi ito biro.

Paglabas namin sa hallway, tahimik. Rinig ang yabag namin sa sementadong sahig, ang mahina ring ugong ng electric fan mula sa bukas na classroom sa dulo. Huminto si Nathanael sa may sulok, malayo sa ibang estudyante.

“ Kael ,“ panimula niya, seryoso ang tono, “naiintindihan ko ang punto mo kanina. Pero hindi ka ba natatakot na nilalabanan mo ang mismong salita ng Diyos?” Humigpit ang hawak ko sa bag strap. Nilalabanan? O sinusubukang unawain?

“ Hindi ko nilalabanan,“ sagot ko. “ Pero gusto kong maintindihan. Kasi kung gagamitin natin ang Bibliya para lang manumbat, para iparamdam sa iba na wala silang puwang… hindi ba’t nawawala ang mismong diwa ng Ebanghelyo?“ Umiling siya, marahan ngunit mariin.

“ Kael, mahal ng Diyos ang lahat, oo. Pero iba ang mahal sa pagtanggap ng kasalanan. Hindi ba’t ang tunay na pagmamahal ay ituwid ang mali, kahit masakit?“ Kinagat ko ang labi ko. Parang pinipilas ang loob ko. Gusto kong sumigaw sa mga sandaling ito. Nakukuha ko ang punto niya ngunit hindi niya makuha ang punto ko.

Paano kung ako ang tinuturing mong mali? Pero hindi ko kaya. Hindi puwedeng mabuko. Hindi puwedeng malaman kahit sino. Huminga ako nang malalim. “ At kung ang tinatawag mong mali ay siyang totoo kong nararamdaman, Nathanael? Kung sa lahat ng araw na nagdaan, ito ang nagbibigay saysay sa buhay ko, bakit agad kasuklam-suklam?“ Nanahimik siya, tila hindi agad makasagot. Sa pagitan ng aming titigan, may kung anong tensyon na hindi ko kayang ipaliwanag. Hindi ito galit, kundi pakiramdam na pareho kaming nasa gilid ng bangin, naghahanap ng sagot.

“ Kael …“ mahina niyang wika. “ Natatakot ako para sa’yo. Ayokong maligaw ka.“ At doon ako muntik mabasag. Kasi para sa iba, baka insulto iyon. Pero sa tono niya, ramdam kong may pag-aalala. Hindi ko alam kung para saan, o para kanino. At doon nagsimula ang mas mabigat na laban hindi lang kay Nathanael, kundi sa sarili ko. Sa pagitan ng paniniwala, ng lihim, at ng damdamin na pilit kong ikinukubli.

“Iyon lamang, maraming salamat sa oras mo. Hindi pa huli para sa iyo Kael.” matapos sabihin iyon ay tinapik niya pa muna ang aking balikat at saka umalis.

Natulala ako sa kawalan. Ang pagtapik niya sa aking balikat ay nagbigay sa akin ng kuryente sa buong katawan ko. Hindi ko alam kung saan iyon nagmumula. Pinipilit kong intindihin ang sinasabi niya, siguro ay masyado lang talaga akong mapangahas at hinahanapan ng lusot o butas ang nangyayari sa akin ngayon.

Napabuntong hininga ako at saka lumabas ng building. Pag-uwi ko, dumiretso ako sa kwarto. Hindi ko na in-on ang ilaw. Gusto kong manatili sa dilim, kasi iyon ang mas kumakatawan sa nararamdaman ko ngayon.

Binuksan ko ang notebook na ginagamit ko pang-notes sa klase. Pero ngayong gabi, hindi iyon tungkol sa lecture. Hindi tungkol sa theology. Tungkol ito sa akin. At sa Kanya.

“Panginoon, bakit ako?” Yun ang unang sinulat ko. Malalaki, mabibigat na letra. Hindi ko alam kung prayer ba ito o reklamo. Basta naisulat ko lang, kasi kung hindi, baka sumabog ang dibdib ko.

Bakit kailangang maramdaman ko ito? Bakit sa lahat ng klase ng pagmamahal, bakit ito pa? Kung kasuklam-suklam ito gaya ng sabi ni Nathanael, bakit parang Ikaw mismo ang nagtanim nito sa puso ko?“ Nalaglag ang ballpen mula sa kamay ko. Napahawak ako sa mukha, ramdam ko ang init ng mga matang pilit kong pinipigilan lumuha.

Naalala ko ang titig ni Nathanael kanina. Hindi ko alam kung anong nakita niya sa akin. Weakness ba? Laban? O ang katotohanang pilit kong tinatago?

Kung siya man ang dahilan kung bakit ako ganito ngayon, hindi ko alam kung dapat ba akong magpasalamat o magalit. Kasi sa bawat salita niya, pakiramdam ko’t natetest ang pagkatao ko. Pero sa parehong oras, natatakot ako. Kasi paano kung malaman niya? Paano kung wala siyang ibang makita kundi ang bagay na tinawag niyang kasuklam-suklam?

Pinikit ko ang mga mata ko at sinubukang manalangin.

“ Panginoon, alam kong mali siguro sa paningin ng iba. Pero kung mali nga ito, bakit parang higit itong mas dalisay kaysa sa anuman? Bakit parang ito ang nagpapaalala sa akin na kaya ko pang magmahal?“ Huminga ako nang malalim, tinakpan ang notebook, at isiniksik sa ilalim ng unan. Parang doon lang ligtas ang mga salita. At bago ako makatulog, isang bulong na lang ang naiwan sa labi ko

“ Kung kasalanan man ito, Lord, sana Ikaw na lang ang unang makaintindi.“

Hindi ako agad nakatulog kagabi. Kahit anong pikit ko, bumabalik sa utak ko ang mga salita ni Nathanael. Para silang kampana na paulit-ulit na umaalingawngaw

“ Kasuklam-suklam.“

At sa tuwing naririnig ko iyon, pakiramdam ko, tinatamaan ako. Para bang ako mismo ang nilalayon ng bawat titik.

Kaya eto na naman ako, nakaupo sa mesa, hawak ang ballpen, sinusulat ang lahat ng hindi ko masabi kahit kanino.

“ Lord, paano ko ipapaliwanag sa sarili ko na mali ang nararamdaman ko kung sa bawat araw na kasama ko siya, lalo lang itong lumalalim? Kung kasalanan ito, bakit may kapayapaan sa puso ko tuwing nakikita ko si Nathanael? Bakit parang mas nakikita ko ang kabutihan Mo sa kanya?“ Natigilan ako. Ilang segundo kong pinanood ang mga salitang isinulat ko. Parang pagtataksil ba ito sa paniniwala ko? O ito ang pinaka-tapat kong panalangin? Nagpatuloy ako.

“Natatakot ako, Panginoon. Hindi lang kay Nathanael. Hindi lang sa mga kaklase ko. Natatakot ako sa pamilya ko

, lalo na sa iyo.

Sa mga taong umaasa na magiging pastor ako, na magiging lider ng simbahan. Paano kung malaman nilang iba ako? Paano kung malaman nilang ang puso ko ay hindi pumipili ng ayon sa gusto nila?“

Nararamdaman ko na ang pagtulo ng luha sa notebook. Kumalat ang tinta, parang mismong sagot ng Diyos ay iniluluha ko. Sinubukan kong hanapin ang lakas sa mga natutunan namin sa klase mga talatang paulit-ulit na dinidiscuss pag-ibig, biyaya, kaligtasan. Pero ang hirap kapag ang mga ito ay ginagamit para ikulong ka, hindi para palayain.

“ Kung ang puso ko ay nilikha Mo, bakit ako nahihiyang magtiwala dito? Kung ang pag-ibig ay galing sa Iyo, bakit kailangan kong itago ang akin?“

Pinikit ko ang mga mata ko. Sa likod nito, naisip ko si Nathanael yung titig niya kagabi habang kinokontra ako. Hindi ko alam kung anong nakita niya sa akin, pero ang tanging hiling ko ay sana hindi iyon pagkasuklam.

At sa huli, isinulat ko ang isang bagay na hindi ko akalaing kaya kong isulat.

“ Panginoon, kung darating ang araw na kailangan kong pumili, Ikaw o siya, sana bigyan Mo ako ng sagot. Kasi ngayon, ang alam ko lang, pareho kayong nasa puso ko.“ Isinara ko ang notebook. Pinunasan ang mga mata ko. Hindi ko alam kung mas maliwanag ba ang isip ko o mas magulo. Pero ang totoo Sa bawat panalangin ko, unti-unti kong nararamdaman hindi ako nag-iisa sa laban na ito.

KABANATA III

Tahimik lang akong nakaupo sa ikatlong row, pinaglalaruan ang daliri ko habang pinapakinggan ang boses ng pastor. Paulit-ulit na umaalingawngaw sa loob ng iglesia ang bawat salita niya, parang hindi lang ito tumatama sa tenga ko diretso sa dibdib.

“ Mga kapatid,“ sabi ng pastor, sabay binasa ang nasa Biblia, “

Jeremias 17:9 ‘Ang puso ay mandaraya higit sa lahat ng bagay, at lubhang napakasama; sinong makakaunawa nito?’“

Natigilan ako. Napahawak ako bigla sa sarili kong dibdib, hindi dahil masakit, kundi dahil may biglang kurot.

Mandaraya ang puso? Paulit-ulit kong inikot sa isip ko ang linya. Parang biglang nag-flashback sa akin ang mga desisyong ginawa ko dati ’yung mga pagkakataong sinunod ko ang gusto ng puso ko kahit mali. Ang dami kong sinaktan, pati sarili ko. At ngayon, tinatanong ko ang sarili ko

Kung mandaraya pala talaga ang puso… bakit minsan pakiramdam ko siya lang ang natitirang totoo?

Naririnig ko pa rin ang tinig ng pastor, malinaw, mabigat, pero puno ng pag-asa. “Ang puso ng tao ay madaling malinlang ng kasalanan. Kaya’t hindi natin kayang magtiwala lamang sa damdamin. Pero kahit ganoon… mayroong Diyos na laging tapat, na laging nagmamahal, at hindi nagkakait ng kapatawaran.” Doon ako napayuko. Hindi ko alam kung nahihiya ako, o natatamaan. Siguro pareho.

Kung gano’n… kahit gaano karumi, kahit gaano kasalbahe minsan ang puso ko… kaya pa rin pala akong mahalin ng Diyos? Napapikit ako sandali, hinayaan kong dumaloy ang mga tanong sa isip ko. Pero paano, Lord? Paano kung hindi ko na alam kung alin ang totoo sa nararamdaman ko? Paano kung hindi ko na kayang pagkatiwalaan ang sarili kong puso?

Sa gitna ng sermon, para bang walang ibang tao sa paligid. Ako lang, ako at ang Diyos. At habang pinapakinggan ko ang pastor, unti-unti kong nararamdaman. Oo, mandaraya ang puso, pero hindi kailanman mandaraya ang pagmamahal ng Diyos. At doon, parang gusto kong umiyak pero pinigilan ko. Tahimik lang ako, pero sa loob-loob ko, isa lang ang naitanong ko ulit,  Lord, sapat ba talaga ang pagmamahal Mo… para ayusin ang kaguluhan dito sa puso ko?

Pagkatapos ng closing prayer, dahan-dahan nang nag-alisan ang mga tao. May mga ngiti, at may ilan namang halatang gumaan ang loob. Ako? Nanatili lang akong nakaupo ng ilang minuto, nakatungo, parang ayaw ko pang umalis.

Ako’y lumuhod, marahang ipinikit ang aking mga mata at taimtin na nanalangin.

Nang tumayo ako, ramdam ko pa rin ang bigat ng sinabi ng pastor. Jeremias 17:9… ang puso ay mandaraya higit sa lahat. Parang nakaukit na siya sa utak ko.

Habang naglalakad ako palabas ng iglesia, malamig ang hangin, pero mas ramdam ko ’yung lamig sa loob ko. Napatingin ako sa madilim na kalangitan walang bituin, puro ulap. Parang simbolo ng kalituhan sa loob ko.

Lord, paano ba talaga magmahal nang tama?

Tinignan ko ang mga tao sa paligid may mga pamilya na sabay-sabay umuuw, may magkaibigang nagbibiruan pa. Ako, mag-isa lang, at parang mas dumoble ang katahimikan. Naglakad ako pauwi, naka-earphones pero hindi ko naman pinakinggan ang music. Doon lang sila, naka-plug, pero ang isip ko nasa sermon pa rin.

Kung mandaraya ang puso, ibig bang sabihin mali lahat ng nararamdaman ko? Paano kung totoo naman ang damdamin ko para sa isang tao, pero sinasabi ng lahat mali ’yon? Paano ko malalaman kung ako ba ang nagloloko-lokohan lang… o kung may katotohanan talaga sa puso ko?

Napahinto ako sa gilid ng daan, pinakiramdaman ang sarili ko. Tinitigan ko ang kaliwang dibdib ko, hinawakan ko ng mahigpit.

“Mandaraya ka ba talaga?” bulong ko sa sarili, mahina, baka may makarinig. Pero kasabay noon, may isa pang boses sa loob ko, hindi sa tenga, kundi sa kaluluwa isang paalala mula sa narinig ko kanina.

Oo, mandaraya ang puso… pero tapat ang Diyos.

Napakagat ako sa labi. Kung gano’n… baka ang sagot hindi pala makita sa loob ng puso ko. Baka nasa Kanya lang talaga.

Nagpatuloy akong maglakad, mabigat pa rin pero may kaunting liwanag na sumisilip. Hindi ko pa rin alam ang sagot sa lahat ng tanong ko, pero may isang bagay na sigurado ngayong gabi, tinamaan ako. At siguro, doon nagsisimula ang pagbabago.

Pagdating ko sa bahay, hindi na ako nagbukas ng TV, hindi rin ako nag-scroll sa phone. Dumiretso ako sa kwarto, binuksan ang ilaw sa desk lamp, at hinila ang luma kong notebook. ’Yung cover niya may gasgas na, at ang mga pahina, puno ng sulat na ako lang ang nakakaintindi. Kumuha ako ng ballpen, huminga nang malalim, at nagsimulang magsulat.

Mayo 26

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula, Lord. Kanina sa sermon, tinamaan ako nang todo. Jeremias 17:9 “Ang puso ay mandaraya higit sa lahat ng bagay, at lubhang napakasama; sinong makakaunawa nito?” Para bang sinampal ako ng katotohanan. Totoo nga, marupok ang puso. Mandaraya siya. Ilang beses ko nang napatunayan ’yon… ilang beses ko nang sinunod ang sarili kong damdamin kahit mali, kahit alam kong masasaktan ako o may masasaktan. At ngayon, iniisip ko: Paano ko pa siya pagkakatiwalaan?

Lord, nalilito ako. Kasi sa puso ko, may mga bagay na tunay. May mga taong mahal ko, may mga pangarap akong hinahabol. Pero paano kung lahat ng ’yon… ilusyon lang? Paano kung niloloko lang ako ng sarili kong damdamin?

Bakit ganito, Lord? Bakit parang ang hirap paniwalaan ang sarili ko, pero mas mahirap pa ring paniwalaan na kaya Mo akong mahalin kahit ganito ako?

Sandali akong tumigil, tinitigan ang sulat ko. Ramdam kong unti-unting nababasa ng luha ang gilid ng pahina. Pinunasan ko ng kamay bago ko tinuloy.

Kung mandaraya nga ang puso ko… ibig bang sabihin, wala akong kwenta? O baka naman totoo ang sinabi ng pastor na kahit gaano kasama ang puso, mas malaki pa rin ang pagmamahal Mo?

Hindi ko alam kung paano tatanggapin ’yon. Hindi ko alam kung paano maniniwala. Pero siguro… dito ako magsisimula. Lord, kung totoo ngang kaya Mong ayusin ang puso kong magulo, sugatan, at minsan masama eto na siya. Sayo na. Kahit hindi ko pa maintindihan, kahit takot ako, kahit nagdududa ako… Sayo na. Pagkatapos kong isulat ’yon, napayuko ako sa mesa. Ramdam ko pa rin ang bigat, pero may kakaibang gaan na dahan-dahang sumisiksik. Parang kahit hindi pa malinaw ang lahat, may kaunting kapayapaan na unti-unting gumagapang sa dibdib ko.

Pinikit ko ang mata ko, at doon ko lang naramdaman na,

oo, mandaraya nga ang puso… pero ngayong gabi, pinipili kong magtiwala hindi sa kanya, kundi sa Diyos.

Lord, patawad po kung ako po ay nagkamali sa iyong mga mata. Patawad po kung nakuha kong kuwestyonin ang pagmamahal na ibinibigay ninyo sa akin. Patawad kahit patuloy kong ituwid ang aking sarili ay tila lalo akong lumilihis sa daang ibinigay mo sa akin. Lord, kung hindi man po ako para sa propesyong ito, ikaw na po ang bahala sa akin. Ako rin po ay humihiling pa ng inyong gabay. Ako po ay humihingi ng tulong sa inyo na alisin na po itong nararamdaman ko. Alam ko pong ikaw lang po ang makatutulong sa akin para maalis ang kahibangan kong ito. Tulungan niyo po akong ituon ang pokus sa inyo, hindi sa iba, at mas lalong hindi sa kaniya.

KABANATA IV

Pagkatapos ng klase, dumiretso ako sa library. Kailangan ko sanang magbasa para sa exegetical paper, pero to be honest, hindi talaga ako makafocus. Pagpasok ko, agad kong napansin si Nathanael. Nasa kabilang dulo siya ng silid, nakatalikod sa akin, pero kahit hindi ko makita ang mukha niya, alam kong siya ’yon. May kakaibang presensya kasi. Tahimik, composed, parang lagi siyang hindi naaapektuhan ng mundo.

Umupo ako sa mesa malapit sa bintana, sinadya kong malayo sa kanya. Hindi dahil ayokong makita siya pero dahil mas mahirap kapag mas malapit. Kasi kapag gano’n, hindi ako mapakali.

Binuksan ko ang libro sa harap ko, pero hindi talaga lumulubog sa utak ko ang mga salita. Paulit-ulit lang, nagiging blur sa paningin ko. Ang tanging malinaw… ay ang awareness na nandito siya, iilang metro lang ang pagitan namin.

Bakit ba ganito, Lord? tanong ko sa isip ko, habang pinipilit kong magpanggap na abala. Kagabi pa ako hindi mapakali sa Jeremiah 17:9, tapos ngayon… eto na naman. Ang puso ay mandaraya. Pero kung mandaraya nga siya, bakit pakiramdam ko, ang tanging totoo ngayon… ay yung presensya niya rito?

Napakagat ako sa labi. Pilit kong iniwas ang tingin, pero sa gilid ng mata ko, kita kong nakayuko siya sa pagbabasa, hindi alintana ang paligid. At ako? Para akong nabubuhay sa pagitan ng paglapit at pag-iwas.

Nagtagal ako ng isang oras sa mesa, halos wala namang natapos. Bago ako umalis, tumingin ako saglit sa direksyon niya. Hindi siya lumingon. Hindi niya alam. Pero sa dibdib ko, kumakabog ang isang tanong na hindi ko matakasan: Lord, siya ba ang dahilan kung bakit sinasabi Mong mandaraya ang puso? O siya ba ang rason kung bakit ko gustong mas lalo Kang pagkatiwalaan?

Pagdating sa bahay, diretso ako sa kwarto. Hindi na ako nagbukas ng ilaw, hinayaan ko na lang na yung kaunting liwanag mula sa bintana ang pumasok. Humiga ako, nakatingin sa kisame, at doon ko lang naramdaman yung pagod ng buong araw. Hindi lang pisikal kundi yung bigat na hindi matanggal sa dibdib ko.

Tumayo ako at kinuha ang aking talaraawan at naupong muli sa mesa.

Mayo 25,

Pagod ako, Lord. Hindi sa katawan, kundi dito sa loob. Buong araw parang wala akong ibang iniisip kundi yung sermon kagabi. Jeremias 17:9 Ang puso ay mandaraya higit sa lahat. Paulit-ulit, hindi ako tinatantanan. Parang nakabaon sa utak ko, at hindi ko alam kung paano tatakasan.

Sa klase kanina, hindi ako makafocus. Ang dami kong dapat basahin, ang daming kailangang tapusin, pero ang utak ko lumilipad. Tapos nung lunch, kahit maingay sa canteen, pakiramdam ko ako lang yung tahimik. Nandun ako, pero parang wala. At nung nagpunta ako sa library… nakita ko siya. Si Nathanael. Hindi ko alam kung bakit, pero palagi kong nararamdaman kapag nandoon siya. Tahimik lang siya, abala sa pagbabasa, pero ako? Hindi ko magawang maging normal.

Lord, ayoko na sanang aminin, pero eto ako, sinusulat ko sa notebook na ito: may nararamdaman ako para sa kanya. At ito yung kinatatakutan ko. Kasi paano kung totoo nga yung sabi ng Biblia na mandaraya ang puso? Ibig bang sabihin… mali lahat ng ito? O baka… ito yung sinasabi Mong tukso?

Ang hirap. Ang hirap kasi hindi naman siya lumalapit sa akin, hindi rin kami close. Pero bakit gano’n? Kahit magkalayo kami ng mesa, kahit hindi niya ako tinitingnan… ramdam ko siya. At mas lalo lang akong natatanong.

Lord, kung mandaraya nga ang puso… bakit siya ang lagi kong naiisip?

Bakit siya yung hindi ko kayang takasan?

At ngayon, nahahati ako. Gusto kong maniwala na sapat ang pagmamahal Mo, na tapat Ka kahit marupok ako. Pero sa totoo lang… hindi ko alam kung kaya ko nang bitawan ’to.

Kaya eto na lang ang kaya kong isulat ngayong gabi Kung mali man itong nararamdaman ko, Lord… Ikaw na ang bahala. Kung totoo man ito at may dahilan… Ikaw pa rin ang bahala.

Kasi kahit gusto kong intindihin ang puso ko… hindi ko na kaya.

Pagkatapos kong isulat, pinikit ko ang mata ko. Hindi ko alam kung luluha ba ako o matatawa sa sarili ko. Pero isang bagay ang malinaw: ngayong gabi, sa lahat ng tanong ko, ang sagot ko lang ay Ikaw na, Lord. Sayo na muna ang puso ko.

Maaga akong pumasok sa campus. Bitbit ko ang libro ko, nagmamadali kasi may reading assignment kami para sa theology class. Gusto ko lang sana ng tahimik na umaga walang distractions, walang bigat. Pero pagpasok ko sa hallway, ayun siya.

Si Nathanael.

Nakaupo siya sa gilid ng corridor, may hawak na notebook, mukhang nagbabasa o nagsusulat. Nakayuko siya, seryoso, at walang pakialam sa mga dumadaan.

Tumigil ako sandali, kunwari chine-check ko ang bag ko. Pero ang totoo, nag-freeze ako. Bakit lagi na lang nandiyan siya sa mga oras na hindi ko inaasahan?

Naglakad ako nang mabilis, dadaan lang sana, pero bigla siyang tumingin.

Magkakatinginan na sana kami pero agad akong umiwas. Para bang automatic na nag-shift ang mga mata ko sa sahig.

“Kael.” Napahinto ako. Hindi ko alam kung tatawag ba talaga siya o baka guni-guni ko lang, pero paglingon ko… oo, ako nga ang tinatawag niya.

“May dala ka bang kopya ng reading list? Naiwan ko kasi.” Ang simple lang ng tanong niya, walang halong drama. Nagkalkal ako ng bag, medyo nanginginig pa ang kamay ko.

“Ah oo, meron.” Inabot ko yung papel, hindi ko siya masyadong tinitingnan. Sandali lang ang pag-abot namin, pero pakiramdam ko ang bigat ng contact.

“Thanks,” sabi niya, diretso at maikli. Tapos balik na siya sa pagbabasa. Ako naman, nagpatuloy na lang ng lakad, pero ang totoo? Hindi ko na naramdaman ang bigat ng libro sa bag ko. Ang naramdaman ko lang, yung kumakabog na dibdib ko.

Lord… ganito ba ang ibig Mong sabihin na mandaraya ang puso? Isang simpleng tingin, isang simpleng tawag ng pangalan ko, at gulo na agad ako?

Nagpatuloy akong naglakad papunta sa klase, pero buong umaga, hindi na nawala sa isip ko yung sandaling tumawag siya ng pangalan ko.

At habang nakaupo ako sa klase, nagtanong ulit ako sa sarili ko:

Paano ko malalaman kung tukso lang ito, o parte ng plano Mo?

KABANATA V

Maingay sa klase nang araw na iyon. Naka-projector ang isang slide na may nakasulat na malaking teksto mula sa Roma 3:23

“Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” Nagtaas ng kamay si Nathanael, seryoso ang boses.

“Dito po natin makikita na walang exempted. Lahat tayo ay makasalanan. Kaya hindi rin tama na piliin lang natin ang kasalanan na para bang ‘okay’ at yung iba naman ay tinuturing na mas mabigat. Pantay-pantay lahat sa harap ng Diyos.” Tumango ang ilan sa klase. Pero napansin kong may bahid sa tono niya parang may direkta siyang pinapatamaan. Nagtaas din ako ng kamay.

“Sir, may tanong po.” Tumango ang propesor bilang pagtugon sa aking pahintulot. Nasa akin naman ngayon ang atensyon ng aking mga kaklase.

“Kung lahat ng kasalanan ay pantay, gaya ng sabi ni Nathanael, bakit may mga kasalanang parang mas bigat ang tingin ng tao? At bakit kapag tungkol sa pag-ibig, mas mabilis tayong maghusga?” Tahimik ang klase. Naroon na naman ang tensyon. Nararamdaman ko ang titig ni Nathanael sa akin. Mukhang naging taliwas na naman ang aking nasabi sa gusto niyang mangyari.

“ Kael ,“ sagot niya, “ kasi hindi lahat ng nararamdaman ay dapat sundin. Hindi lahat ng bagay na masarap o masaya ay ayon sa kalooban ng Diyos.“ Dagdag pa niya. Napakagat ako sa labi ko. Ang sarap sagutin ng diretsahan na paano kung ang nararamdaman mong iyon ang nagbubukas ng puso mo sa Diyos mismo? Pero bago pa ako makapagsalita, biglang may ibang pumasok sa usapan. Si Levi, isa sa mga kaklase naming tahimik lang palagi pero laging nasa likod ng klase. Bigla siyang nagtaas ng kamay.

“ Sir ,“ sabi niya, medyo nanginginig pero buo ang boses, “ kung lahat nga po ay makasalanan, hindi ba’t dapat ang hatol ay laging pareho, dapat ay lahat kailangan ng biyaya? Bakit parang mas napipili lang ang ilan para sabihing mas malayo sila sa Diyos?“ Nagkatinginan kaming tatlo. ako, si Nathanael, at si Levi. Parang biglang nagkaroon ng bagong boses sa gitna ng palitan namin. Ngumiti ang propesor.

“Magandang punto, Levi. At diyan natin makikita ang tension ng pananampalataya kung paano ipapairal ang katotohanan nang hindi nawawala ang pag-ibig.” Pero ramdam ko na. May bagong pihit ang laban. Hindi na lang ako at si Nathanael.

May isa nang makikisali  isang boses na maaaring kumiling sa kahit alinman sa amin.

Pagkatapos ng klase, naiwan pa rin ang tension sa silid. Si Nathanael, abala sa pag-aayos ng gamit, pero ramdam ko ang mga mata niya na minsan-minsang sumusulyap. Ako naman, pinaglalaruan ang ballpen ko, iniisip kung dapat ko pa bang ipagpatuloy ang debate. Biglang tumabi si Levi, bitbit ang notebook niya.

“Ang lalim ng usapan kanina, ano?” ngumiti siya, parang hindi ramdam ang bigat na iniwan sa amin. Ngumiti rin ako ng tipid.

“Oo. Pero parang ang hirap pag-usapan kapag buhay na ng tao ang nakataya.” Umupo siya sa harap namin, diretsong nakatingin kay Nathanael. “Pero tama rin naman yung sinabi mo, bro. Hindi lahat ng nararamdaman, puwedeng sundin. Kaya lang, hindi ba’t mas mabigat kapag pinipilit mong patayin ang nararamdaman mo?” dagdag pa nito, seryoso at may laman.  Tumigil si Nathanael. Hindi agad nakasagot. Ako ang unang nakapagsalita.

“Exactly. Kasi kung totoo ngang lahat tayo ay makasalanan, bakit parang mas dinidiinan yung kasalanan na may kinalaman sa pagmamahal? Bakit hindi yung kayabangan, o kasakiman?” sambit ko. Medyo tumiklop ang labi ni Nathanael. Kita ko sa mukha niya ang pagpipigil, pero malinaw ang boses niya.

“Kasi may mga bagay na mas lantaran. At kapag lantaran, mas malaking tukso. Mas madaling mahulog ang iba. Kaya kailangan mas higpit ang babala.”

“Pero,” sabat ni Levi, “hindi ba’t doon mismo dapat pinakamalakas ang habag? Kasi kung mas lantaran, mas kailangan ng tulong. Mas kailangan ng yakap.” Natahimik kami. Ang propesor, na kanina’y nakikinig lang habang nagliligpit ng laptop, ay ngumiti bago tuluyang lumabas ng silid. Kaming tatlo na lang ang naiwan. Tatlong boses, tatlong pananaw, pero iisa ang Diyos na tinatanong namin.

Paglabas ko ng klase, gusto ko lang sana dumiretso sa dorm. Mabigat pa rin ang dibdib ko mula sa palitan namin kanina ni Nathanael. Pero bago pa ako tuluyang makalayo, narinig ko ang isang boses sa likod.

“Kael!” tawag ni Levi. Napahinto ako. Nakita ko siyang nakasabit ang bag sa isang balikat, may hawak pang bote ng tubig. Medyo pawis, pero nakangiti. “Pwede ba kitang samahan saglit? Lakad lang.” Wala naman akong dahilan para tumanggi, kaya sabay kaming naglakad palabas ng campus. Tahimik muna. Hanggang siya na rin ang unang nagsalita.

“Alam mo, ang tapang mo kanina.”

Napatingin ako sa kanya.

“Tapang? O katigasan ng ulo?” tugon ko.  Napatawa siya ng mahina.

“Pwede ring pareho.” Sandali siyang tumigil, saka tumingin sa akin. “Pero seryoso, bihira yung nagtatangkang magtanong nang gano’n sa klase. Lalo na tungkol sa… well, sa ganung bagay.”

Humigpit ang hawak ko sa strap ng bag ko.

“Kailangan ko lang kasing itanong. Kasi kung hindi, ako mismo ang malulunod.”

“Gets ko,” sagot niya. “Kasi minsan, yung mga tanong na pinipigilan nating sabihin, sila rin yung nagpapabigat sa loob natin. Pero Kael…” tumigil siya, seryosong tumingin. “…huwag mong isipin na ikaw lang ang may tanong na ganyan. Marami lang hindi nagsasalita.”

Natigilan ako. “Ikaw ba…?”

Umiling siya agad, sabay ngiti. “Hindi. Hindi ako tulad mo. Pero may mga kaibigan ako na pareho ng pinagdadaanan. At lagi kong iniisip kung Diyos ang tinitingnan nila, bakit ako ang dapat humusga?” Parang nabunutan ako ng tinik. Sa unang pagkakataon, may narinig akong boses na hindi agad naglagay ng hatol. Hindi man siya tahasang kampi, pero sapat na yung sinabi niya.

“Salamat, Levi,” mahina kong sabi. “Kasi madalas, ang dami kong tanong na hindi ko alam kung saan dadalhin. Lalo na’t… ayoko ring masabi kahit kanino.” Tumango siya na tila naiintindihan ang punto ko.

“Alam ko. Kaya siguro minsan, kailangan mo lang ng taong makikinig. Hindi para husgahan, kundi para alalahanin ka na hindi ka nag-iisa.”

Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang makarating sa labas ng gate. Doon siya tumigil, nagpaalam. “Sige, dito na lang ako. Kita tayo bukas.” Habang lumalayo siya, ramdam ko ang kakaibang gaan sa dibdib ko. Hindi ko pa rin alam ang lahat ng sagot. Pero ngayong gabi, alam ko na may isa akong kasamang handang makinig. At minsan, sapat na iyon para hindi ako tuluyang bumigay.

Mayo 29,

Lord, patawad po sa mga pagkakamaling nagawa ko. Patawad po sa kabila ng mga tanong na lumabas sa aking bibig. Alam ko pong kasalanan ang tumaliwas sa mga salita mo ngunit hindi po mawawala sa akin ang mga katanungan. Tulungan mo po ako na masagutan ang mga tanong po na ito.

KABANATA VI

Pa-end na ang semester. Habang ang karamihan sa mga kaklase ko ay abala sa pagplano ng bakasyon tulad ng beach trips, probinsya, o simpleng pahinga lang sa bahay, habang kami, pinatawag sa isang espesyal na pagpupulong ng aming department. Hindi malinaw ang lahat, basta ang sabi lang ng dean “ Kayo ang napili bilang representatives ng ating college para sa isang mahalagang gawain.“

Excited si Levi, halos hindi mapakali habang naghihintay kami sa maliit na conference room ng campus. Ako naman, half-excited, half-curious. Ano kaya ’yon? Retreat ba? Seminar? O baka naman simpleng community service lang. Wala akong kaide-ideya sa kung ano ang mangyayari ngayon.

Hanggang pumasok si sir Ramon, ang aming adviser. Nakangiti siya habang nakatayo sa harap. “Good afternoon, everyone. Una sa lahat, congratulations dahil kayo ang napili mula sa mahigit isang daang estudyante. Ibig sabihin, we trust not just your skills, but your character.” nakangiting sambita ni Sir Ramon. Nagpalakpakan ang iba. Ako, tahimik lang, nag-iisip.

“Ngayong darating na bakasyon,” patuloy ni sir Ramon, “kayong labing-isa ay ipadadala sa isang bayan sa Southern Luzon. Dalawang linggo kayong mananatili roon. Ang layunin? Simple pero mabigat, kayo ay magbahagi ng Bible study at mga pangkalusugan sa mga kabataan at pamilya sa komunidad.” Napatingin ako kay Levi, na halos mapatayo sa tuwa. “ Astig !“ bulong niya. Pero bago pa ako makareact, biglang bumukas ang pinto. Pumasok si Nathanael, medyo hinihingal, halatang galing pa sa ibang class. Nang magtagpo ang mata namin, para akong binuhusan ng malamig na tubig.

“Good, Nathanael. Kumpleto na tayo,” sabi ni sir Ramon. “Kayo, bilang team, ay magtutulungan sa lahat ng gawain. visitation, teaching, prayer groups. Any kinds of activities. Walang exempted. Lahat kayo, may tungkulin lalo ka na Nathanael, ikaw ang magiging speaker sa buong pamamalagi niyo roon dahil ikaw ay nasa theology. Kayong dalawa naman,” baling niya sa amin ni Levi. “Kayo ang tutulong kay Nathanael. Pagdating naman sa kalusugan, ikaw ang mamamahala Lois dahil ikaw ang nutritionist sa inyo. At ikaw naman David ang siyang magiging puno ng mga kabataan when it comes to activities.”
Ramdam ko ang paghigpit ng dibdib ko. Sa loob ng dalawang linggo ay may mission kami, kasama roon si Nathanael. Hindi ko alam pero lalong kumabog ang dibdib ko sa pagkakataong ito.

Habang nagpapatuloy ang orientation, panay ang sulyap ko sa kanya. Tahimik lang siya, nakikinig, pero alam kong ramdam din niya ang bigat ng sitwasyon. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o matutywa? bakit kailangang sa lahat ng tao, siya pa?

At habang iniisa-isa ni sir Ramon ang listahan ng mga gawain, naramdaman kong hindi lang ito basta simpleng mission trip. Para itong pagkakataon na sinusubok hindi lang ang pananampalataya namin, kundi pati na rin ang pasensya, respeto, at… puso.

Nang matapos ang orientation ay binigyan kami ng waiver at kasunduan. Napabuntong hininga ako. Mukhang wala akong pagkakataon na kalimutan at alisin itong nararamdaman ko. Maganda rin sana ito bilang daan sa paglimot sa kaniya ngunit paano ako makalilimot kung kasama siya at siya ang may mas mahalagang parte sa misyon na ito?

Napabuntong hininga akong lumabas ng faculty nang matapos ang orientation namin. Bukas ay tapos na ang aming klase, mga First week naman ng June ang aming alis at simula ng aming mission.

Hindi ko alam kung ano ang magiging papel ko sa mission na iyon gayong isa rin ako sa nalilihis ng landas mula sa Kaniya.

Muli akong napabuntong hininga at kinuha ang aking talaarawan at doon ay muling nagsulat.

Mayo 30,

Lord, kung ito ang kaloob mo sa akin ay akin itong tatanggapin nang buo. Ako po ay humihingi sa inyo ng gabay upang lalong hindi mahulog gayong sa loob ng dalawang linggo ay wala akong katiyakan kung ang nararamdaman kong ito ay mawawala o mas lalong madaragdagan.

Maaga pa lang, ramdam ko na ang bigat ng hangin. Hindi dahil sa bag ko na halos walang laman, kundi dahil sa kaba na hindi ko mailarawan. Tapos na ang semester namin noong nakaraan pa halos isang linggo na rin ang lumipas, habang ang iba ay nagpa-plano ng bakasyon, kami naman ay may kakaibang misyon. dalawang linggo sa isang baryo para magbahagi ng Bible study at community service. Labing-isa kaming representative mula sa iba’t ibang college. Ang iba ay excited, ang ilan ay kinakabahan, pero lahat ay may halong pananabik.

“Kael!” tawag ni Levi, kumakaway na parang batang papasyal sa field trip. “Dito tayo sa likod ng van. Mas masaya.”

Napangiti ako. Pero nang tumingin ako, nakita ko si Nathanael na nakaupo na sa pinakadulong bahagi, malapit sa bintana. Tahimik, seryoso, parang wala sa paligid pero alam kong ramdam niya ang presensya ko.

“ Sure ,“ sagot ko, at naupo sa tabi ni Levi. Si Nathanael, dalawang tao lang ang pagitan namin sa kaniya.

Madaling araw na nang kami ay umalis. Mula sa aming paaralan ay binaybay namin ang daan papuntang Real, Quezon, kung saan kami sasakay ng bangka papunta sa Polillo Island. Tahimik ang biyahe sa loob ng van may ilan na agad nakatulog, may ilan na nakikinig ng musika sa earphones. Ako, nakatanaw lang sa bintana habang pinapanood ang madilim na langit. May kakaibang halo ng kaba at pananabik sa dibdib ko. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa misyon na haharapin namin, o dahil sa presensyang alam kong hindi ko matatakasan sa loob ng dalawang linggo.

“Kael, okay ka lang?” bulong ni Levi mula sa tabi ko. Hawak niya ang maliit na Bible na parang hindi niya binitiwan simula kagabi. Tumango ako.

“Medyo puyat lang.” Tugon ko, napatango naman siya. Mula naman sa harap, rinig ko ang boses ni Nathanael na nakikipag-usap sa isa sa mga kasamahan. Hindi ko marinig ang lahat, pero sapat na ang tono para maramdaman kong buo ang loob niya. Palaging ganoon matatag, sigurado, at tila walang puwang ang alinlangan.

Dahil sa kahabaan ng biyahe at hindi ko kayang tagalan ang sinag ng mga ilaw, ako ay nakatulog.

Ako’y nagmulat ng aking mga mata nang maramdaman ang sinag ng liwanag. Ako’y namangha dahil tumambad sa akin ang kulay pulang araw na nakatabi sa isang bundok na tila kumakaway sa akin sa pamamagitan ng kaniyang sinag.

Ngayon ko lamang nasaksihan ang araw na hindi masakit sa mata.

Sa kalagitnaan biyahe ay halos gising na ang lahat. Mayroon sa gitna ang mayhawak ng mikropono at nagtatanong. Ang kaniyang unang tanong ay, ano ang iyong pangarap. Wala akong lakas ng loob na magtaas ng kamay dahil tinatamad akong magsalita sa mga oras na iyon, pero ang aking mga kasagutan ay aking tinitipa sa selpon na ito.

Marami rin po akong pangarap sa buhay, una ay makapagtapos at maging successful sa buhay. Ang pangarap na iyan ay hindi para sa akin kundi para sa pamilya ko. Gusto kong bigyan sila ng marangyang buhay. Pero habang tumatagal napapaisip ako. Halos lahat ng taong nasa edad na gaya ko ay halos pare-pareho lang ng pangarap. Ang sabi nila, ang pangarap minsan dapat hindi inaabot. Minsan, mangarap ka rin ng hindi mo kayang matanggap o makuha. Kaya siguro ang pangarap ko, ang hindi mamatay

Mayroon pang tatlong katanungan nguni’t hindi ko na rin gaanong pinagtuonan pa ng pansin dahil sa ako ay inaantok pa.

Pagkalipas ng ilang oras, huminto kami sa isang karinderya sa gilid ng highway. Maliliit na mesa, mga lumang kurtina, at amoy ng tinola na sumalubong sa amin.

“Uy, libre daw ng college!” sigaw ng isa naming kaklase, kaya’t halos mag-unahan ang lahat sa pag-order. Nagkumpulan kami sa mesa. Halos puno na ang upuan nang mapansin kong may bakanteng espasyo lang katapat ni Nathanael. Napilitan akong doon umupo. Tahimik kami pareho. Ako, nakatitig sa kanin. Siya, sa sabaw ng tinola. Hanggang sa pareho kaming nagsalita

“Gusto mo—”

“Pwede bang—” Pareho kaming napatigil. Tumingin siya saglit, mabilis ding umiwas.

“Unahan mo,” mahina niyang sabi. Huminga ako nang malalim.

“Uh… gusto mo ba ng extra rice?”

Parang may bahagyang ngiti na pilit niyang tinago.

“Sige.”

At doon, sa gitna ng ingay ng karamiyan, parang kami lang dalawa ang nasa mesa.

Pagdating namin sa Real, sinalubong kami ng amoy ng dagat. Maaga pa pero abala na ang pantalan. mga mangingisdang may dalang lambat, mga bangkang puno ng kargamento, at ilang biyaherong kagaya namin. Habang binubuhat ng mga kasama ang gamit, saglit akong napatigil.

“Kael,” tawag ni Nathanael, nakatingin diretso sa akin. “ Tulungan mo ako rito sa mga gamit.“ Para bang biglang bumigat ang hangin sa pagitan namin. Huminga ako nang malalim at lumapit, hawak ang bag na ipapasa sana niya sa akin. Sandali kaming nagtagpo ng mga mata, at doon ko muling naramdaman ang tanong na paulit-ulit na bumabagabag sa’kin:

Panginoon… karapat-dapat ba talaga akong maglingkod sa kabila ng lahat ng ito?

KABANATA VII

Sa wakas, nakasakay na kami sa bangka. Malalaki ang alon, at kahit maaga pa, ramdam ko ang init ng araw na nagsisimulang sumilip mula sa silangan. Ang tunog ng makina at hampas ng tubig sa gilid ng bangka ang tanging musika namin.

Magkakasama kaming lahat na nakaupo, malumanay ang usapan, pero may ilan na halatang kinakabahan. Si Levi, nasa tabi ko, mahigpit ang hawak sa gilid ng bangka. “ Grabe, Kael… hindi ako sanay sa ganito. Feeling ko lalabas lahat ng kinain ko kagabi.“ Napangiti ako kahit kabado rin.

“Wag kang mag-alala, safe tayo. Isipin mo na lang adventure.” Sa kabilang banda, si Nathanael ay nakaupo malapit sa unahan. Hawak niya ang kanyang Bible kahit na nanginginig ang bangka sa bawat hampas ng alon. Binuksan niya iyon at nagsimulang magbasa nang mahina, para bang inaangkin niya ang katahimikan sa gitna ng dagat. Maya-maya, isa sa mga kasama naming babae, si Ruth, biglang nagsalita.

“Pwede ba tayong mag-share ng verse habang nasa biyahe? Para maiba ang kaba.” Nagkatinginan kami. Ilang sandali, si Nathanael ang unang nagsalita. Malinaw, malakas kahit tinatangay ng hangin.

“‘The Lord is my light and my salvation—whom shall I fear? The Lord is the stronghold of my life—of whom shall I be afraid?’”

tumigil siya saglit, bago tumingin sa paligid. “Mga kapatid, kahit malayo ang pupuntahan natin, hindi tayo nag-iisa.” Tahimik ang lahat. Parang umamo pati ang hampas ng alon. Si Levi, biglang ngumiti.

“Grabe, needed ko ’yun. Thanks, Nathanael.” Napatingin ako kay Nathanael, pero agad ko ring iniwas ang mata nang magtama ang aming paningin.

Ang mga salitang binitiwan niya ay parang tumama diretso sa akin, hindi lang tungkol sa kaba sa biyahe, kundi sa mas malalim kong pinagdadaanan.

“Kael,” bigla niyang tawag. Ganito na siguro ang dibdib ko, dahil sa tuwing tatawagin niya ako sa pangalan ko ay kakaibang tibok ang nagagawa nito, “baka gusto mo ring mag-share?”

Napatigil ako. Ramdam kong napatingin din ang ilan. Pinakawalan ko ang maliit na buntong-hininga at dahan-dahang nagsalita.

“‘Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest.’”

Pinikit ko sandali ang mga mata. “Siguro kasi… lahat tayo may dalang bigat, hindi lang sa biyahe na ito, kundi sa buhay. Pero sa Kanya, pwede tayong magpahinga.” Tahimik. Saka unti-unting nag-“

Amen

“ ang iba. Habang nakatingin ako sa malawak na dagat, ramdam ko ang malamig na hangin sa mukha ko. Pero mas ramdam ko ang bigat sa dibdib ko. Kasi sa bawat salitang binitawan ko, ako rin ang pinaka-nangangailangan noon.

Habang umaandar ang bangka, mabilis na napuno ito ng tawanan. May naglabas ng gitara at nagsimula ng kantahan. Una’y mga simpleng praise songs, hanggang sa biglang sumingit ang isa ng cheesy love song mula sa radyo.

“Kael, ikaw naman!” hiyaw ni Levi, halos ipilit ang gitara sa kamay ko. Parang hindi siya humawak sa akin kanina dahil natatakot siy.

“Ano ba, hindi ako—”

“Hindi ka marunong tumanggi!” Putol ni Levi sa akin, nagtawanan naman sila. Napilitan akong tumugtog. Simpleng chords lang ang kaya ko, pero sinabayan agad ng iba ang pagkanta. Unti-unting natahimik ang tawanan, at ang boses ng grupo ay naghalo sa malamig na simoy mula sa bintana. Pagmulat ko, nahuli ko si Nathanael na nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng titig niya. Pagsusuri? Paghanga? O simpleng pagkalinga? Pero bago ko pa ito maintindihan, umiwas na siya ng tingin at bumalik sa tanawin ng daan. Hindi ko alam kung bakit, pero ang simpleng sandaling iyon ay parang mas matunog pa kaysa sa lahat ng kantang kinanta namin.

Bandang hapon, dumating na kami sa baryong itinalaga sa amin. Mainit pero presko, maraming bata sa kalsada, at halata ang tuwa ng mga tao nang makita kaming bumababa sa van. May isang matandang babae, si Nanay Cion, na agad kaming sinalubong.

“Ay, salamat at dumating kayo. Malaking tulong ang dalawang linggo ninyo rito.” Pinaghiwa-hiwalay kami sa mga bahay kung saan kami matutulog. Ako, kasama sina Levi at dalawa pa naming kaklase. Si Nathanael, nakahiwalay ng bahay kasama ang ibang lalaki. Pero bago pa ang lahat, nagkaroon muna ng maikling pagtitipon sa kapilya. Doon sinabi ng lider naming pastor kung ano ang gagawin namin, morning devotions, house visitations, Bible study groups, at community service.

“Hindi ito bakasyon,” seryoso niyang sabi. “Ito ay pagkakataon para maging kamay at paa ng Diyos sa komunidad.”

Tahimik ang lahat. Tahimik din ako. Pero sa loob ko, parang may tanong na umuukit. Paano kung mismong puso ko ang hindi nila kayang tanggapin? Paano pa ako magiging kamay at paa ng Diyos?

“Grabe ang payapa dito noh? Ang tahimik. Tanging kuliglig lang ang maririnig mo sa katahimikan ng gabi.” panimula ni Levi habang nag-aayos ng gamit niya. Nakikinig lang ako sa kaniya habang abala rin sa sariling gawa.

“Kaya nga, masyadong peaceful ang gabi rito. Tiyak ako na masarap matulog sa ganito.” segunda naman ng kasama namin.  “Nga pala, ako si Rommel.” pakilala niya at inilahad ang kamay kay Levi.

“Levi, pre Rommel. Nice to meet you!” balik na bati nito at nagshake hands sila. Ramdam ko naman ang paglapit nila sa akin. “Rommel, siya naman si Kael. Kaklase ko.” inilahad ni Rommel ang kamay niya at nagshakehands naman kami.

“Ikinagagalak ko na makilala ka, Kael.” nakangitint sambit niya at tango na lang ang naisagot ko. Matapos non ay inakbayan kaming dalawa ni Levi papunta sa isa pa naming kasama.

“Levi nga pala pre, ito naman si Rommel, at si Kael.” pakilala niya sa akin at naglahad naman sila ng kamay at nagshake hands.

“Zion nga pala,” pakilala niya at nagsitanguhan na lang din kami.

Muli kaming naging abala sa aming pagliligpit nang magsalita si Rommel.

“Siya pala si Kael, kilala siya sa College of Theology.” dinig kong sambit ni Rommel. Natawa naman si Levi

“Ayy weh? Bakit daw?” usyoso ni Levi.

“Rinig-rinig ko lang kasi parang nagtalo daw sila ni Nathanael ba iyon? Iyong kasama natin.”

Pakikipagtalo na ba ang pagtatanong? Napailing ako sa sariling tanong.

“Ahh, akalain mo iyon nakalabas haha. Tho, hindi naman sila nagtalo mismo. Sadyang matanong lang ang aking kaibigan kaya siguro naging ganoon ang labas sa iba.” Depensa naman ni Levi, nakahinga ako nang maluwag. Mabuti’t kasama ko siya dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin kapag ako na mismo ang inusisa.

Nagpatuloy ang kwentuhan nila hanggang sa naiba na ang kanilang topic. Nang matapos magligpit ay inayos ko na ang aking hihigaan. Hindi naman ganoong malaki ang kwartong aming tinutuluyan ngayon. Sakto lang na nagkasya ang dalawang up and down na papag. Nakiusap ako kay Levi na sa taas ako matutulog mabuti ay pabor siya dahil takot daw siya sa matataas na lugar.

Narinig kong tumunog ang aking wokitoki kaya agad ko itong kinuha. Kinuha ang mga cellphones namin at pinalitan ng wokitoki para daw maiwasan namin ang distraction at magfocus sa kung ano ang gagawin namin ngayon.

“Hello?” sambit ko matapos i-on ang button.

“Hello?” agad na nanlamig ang aking katawan nang matunugan ang tinig na iyon. Muling may dumaloy na kuryente sa buong katawan ko dahilan upang hindi ako makagalaw.

Lord, paano ako makakalimot at iiwas kung ganitong palagi ang nangyayari aa akin? Tulungan mo ako Lord!

KABANATA VIII

Matapos ang orientation, nagsimula ang devotions. Naka-circle kami sa maliit na kapilya, may kandila sa gitna at gitara sa gilid. Nagbasa ng scripture ang isa naming kasam “Huwag mong ikubli ang iyong ilaw; ilagay mo ito sa taluktok upang makita ng lahat.”

Parang tinamaan ako. Kasi paano kung mismong liwanag ko ay ang itinuturing nilang kasalanan?

Pagkatapos ng devotion, nagkaroon ng konting kwentuhan. May nagtatawanan, may nagkukwentuhan tungkol sa plano bukas. Pero ako, hindi makaalis sa bigat ng isip ko. Hindi rin ako maaaring kumontra o magtanong dahil baka ang ilan dito ay hindi bukas ang kaisipan. At isa pa, iniisip ko rin ang magiging kapakanan ko. Na baka isipin nila na nasa COT ako ngunit taliwas naman ang isip ko. Ayoko lang na maging masama ang tingin nila sa akin.

Habang pauwi sa bahay na tutuluyan, napansin kong sumabay si Nathanael sa paglalakad. Tahimik lang siya, hanggang sa bigla siyang nagsalita.

“Kael…” mahina pero buo ang boses niya. Napatingin ako.

“Nitong mga nakaraan, habang nagdedebate tayo sa klase…” tumigil siya, “hindi ko iyon nakalimutan. Hindi dahil sa sinabi mo. Kundi dahil sa tapang mo na sabihin iyon.” Nanlaki ang mata ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot.

“Hindi lahat ay may lakas ng loob na magsalita ng totoo,” dagdag pa niya. “Kaya… sana huwag mong isipin na mag-isa ka.” At bago pa ako makasagot, nauna na siyang pumasok sa bahay na tutuluyan nila. Naiwan akong nakatayo, pinapakinggan ang tunog ng kuliglig at hampas ng hangin.

At doon, sa unang gabi ng mission, sa wakas may narinig akong tugon hindi mula sa Diyos, kundi mula kay Nathanael.

Mainit ang umaga, pero may halong simoy na nakapagpapagaan ng loob. Pagkatapos ng devotion sa kapilya, pinagbukod-bukod na kami ng lider para sa unang house visitation. Tig-dalawa o tatlo ang bawat grupo para hindi masyadong maraming tao ang pupunta sa isang bahay. Kaya rin kasi nag-house visitation dahil para hikayatin sila na pumunta sa aming gaganaping bible study mamaya.

Ang aming session ay magsisimula sa bandang alas kuwatro ng hapon para sa mga kabataan, at sa susunod naman na session ay gaganapin sa ganap na alas siete ng gabi na para naman  sa mga matatanda o may edad na. Ang pokus kasi sa gabi ay ang pangkalusugan at mga salita na mababasa sa biblia. Samantalang sa mga bata naman ay mga parables at ilang activities.

“Micah, si Kael at si Nathanael  ang magkasama,” biglang sabi ng lider, habang nag-a-assign ng grupo. Parang may sumundot sa sikmura ko. Sa dami ng pwedeng makapareha, bakit siya pa? Hindi ko tuloy alam kung papaano ako kikilos gayong kasama ko ang isang ito.

“Uy, solid yan,” bulong ni Levi mula sa likod. “Dream team!” sabay tawa. Hindi ko na lang pinansin, pero ramdam ko ang panunuyo ng lalamunan ko.

Tahimik ang simula ng lakad namin. Ako, si Nathanael, at isa pa naming kaklase na si Micah. Siya yung masayahin at madaldal, kaya kahit papaano nabasag ang katahimikan.

“Grabe, parang field work lang no?” kwento ni Micah habang iniikot ang tingin sa paligid. “ Pero this time, hindi grades ang nakataya, kundi kaluluwa.“

Napangiti ako nang bahagya, kahit ramdam ko ang kabog ng dibdib ko. Ang daming iniisip, pero ang daldal ni Micah laging may paraan para kahit papaano gumaan ang paligid.

“Mas mabigat,” sagot ni Nathanael. Seryoso, diretso, parang laging handang mag-preach kahit saan. “Hindi lang ito basta requirement. Bawat salitang bibitawan natin dito, may epekto sa pananampalataya ng iba.” dagdag pa niya. Lalo akong namangha sa dedikasyon niya. Kasabay nito ay ang kirot sa aking dibdib. Nahihinuha ko an ang reyalidad.

“Wow, parang homily agad ah. “ biro ni Micah, sabay tawa. “Ikaw na nga, preacher boy.” Napatingin ako kay Nathanael, nag-aabang kung papatulan niya ang biro. Pero gaya ng inaasahan, nanatili siyang tahimik, halos hindi gumalaw ang ekspresyon. Kaya ako na lang ang tumawa nang mahina, para mabawasan ang bigat ng hangin sa pagitan namin.

Naglakad kami sa makipot na kalsada, at mga batong lupa, sa gilid-gilid ay may mga puno ng niyog at saging. May ilang bata rin na naglalaro, nakapaa, nagtatawanan. Parang ibang mundo, malayo sa ingay ng siyudad.

Hanggang sa marating namin ang unang bahay, isang maliit na kubo na may bakuran, may nakasampay na mga damit sa lubid, at amoy ng nilulutong tuyo na lumalabas mula sa kusina. Doon, may matandang lalaki na nakaupo sa papag, hawak ang isang tabako. Kita ang mga guhit ng panahon sa kanyang mukha, pero matalim pa rin ang mga mata.

“Magandang umaga po,” bati ni Micah na parang walang kapaguran. “Pwede po ba kaming makaabala sandali tungkol sa Bible study?” Itinaas ng matanda ang tingin niya sa amin, saglit na tinitigan si Micah, saka nilipat sa akin at kay Nathanael.

“Bible study?” tanong niya, paos ang boses, mababa. “Ano bang meron? Hindi naman ako sanay d’yan.” Ako ang unang kinabahan. Paano kung ayaw niya? Paano kung mapaalis lang kami? Lumingon ako kay Nathanael, at gaya ng inaasahan, siya ang sumalo.

“Hindi po namin kayo pipilitin, Tatay,” mahinahon niyang sabi, sabay ngiti. “Nandito lang po kami para magbahagi ng ilang salita ng Diyos, kung papayagan niyo kami.” Tinitigan siya ng matanda, parang sinusukat kung totoo ang bawat salita niya. Saglit na katahimikan, at halos marinig ko ang tibok ng puso ko.

“Hmm,” bulong ng matanda, saka bahagyang ngumiti. “Sige na nga. Pasok kayo. Matagal na rin mula nang may bumisita dito para magdasal-dasal.”

Parang sabay kaming tatlo na nakahinga nang maluwag. Si Micah, halos mapatalon sa tuwa. “Yes! Thank you po, Tay!”

Pagpasok namin sa loob ng bahay, ramdam ko agad ang amoy ng kahoy at lumang pawid. Maliit lang ang espasyo, isang mesa, ilang upuan, at may mga lumang larawan ng pamilya sa dingding. Sa gilid, may nakasabit na rosaryo at isang krusipiho. Umupo kami sa bangkong kahoy. Si Micah, gaya ng dati, ang unang nagsalita.

“Salamat po, Tay, sa pagtanggap sa amin. By the way po, ito pong sina Kael at Nathanael po ay mula sa College of Theology at ako naman po ang inyong lingkod na si Micah ay isang Nutritionist at Dietetics.” Ngumiti siya, sabay turo sa amin. Tumango si Tatay, hawak pa rin ang kanyang tabako pero hindi sinisindihan.

“Mga binata pala kayo ng Diyos,” biro niya, mahina ang tawa. Nagpatuloy si Nathanael, seryoso pero magalang.

“Part po kami ng isang mission program. Nandito po kami sa Polillo Island para magbahagi ng salita ng Diyos sa loob ng dalawang linggo. Itinalaga po kami ng aming paaralan, pero higit doon, nais po talaga naming makilala ang mga tao dito at maibahagi ang pag-asa na galing sa Kanya.”

Bahagya akong kumilos sa upuan. Ayos naman ang pagkakasabi niya, pero ramdam kong may mabigat na responsibilidad sa bawat salitang binibitawan niya. Para bang paulit-ulit akong tinatanong sa loob ko na, handa ka ba talaga sa misyon na ito, Kael?

“Ahh,” sagot ni Tatay, tumango-tango.

“Dalawang linggo pala. Hindi biro ’yan, lalo na dito sa isla. Pero mabuti na rin, kasi marami ring naghahanap ng kausap tungkol sa pananampalataya.”

“Exactly po!” sabat ni Micah, excited na agad. “Kaya po kung okay lang, baka pwede po kaming magbahagi ng ilang talata mula sa Bible. Saglit lang po, para maipaliwanag namin kung ano talaga ang dala namin dito.” Tumangong muli si tatay bilang pagtugon.

“Sige, sige. Makikinig ako.”

Nagkatinginan kami sandali. At gaya ng inaasahan, si Nathanael ang unang nagsalita. Binuksan niya ang Bible niya, at sa bawat pagbukas ng pahina, ramdam mo yung determinasyon.

“Atin pong itungo ang ating mga ulo at taimtim po tayong manalangin. Panginoon, maraming-maraming salamat po sa pagkakataon na ibinigay po ninyo sa amin ngayong araw. Amin pong ipinagpapasalamat ang pagtanggap sa amin ni Tatay Ignacio upang siya po ay makatanggap ng basbas at mabuting salita na mula sa inyo. Huwag niyo pong hayaan na sa akin magmula ang mga lumalabas na salita sa akin, bagkus po ay kayo ang manguna upang maging tama at kaaya-aya ang mga salitang lalabas sa aking bibig. Ito po ang aming panalangin sa pangalan ni kristo na ating panginoon, amen.” matapos magdasal ay saktong pagmulat ng mata ko ay ang pagtama ng aming mga mata ni Nathanael.

“‘For I know the plans I have for you,’ declares the Lord, ‘plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.’”

Panimula niya. Binasa niya iyon mula sa Jeremias 29:11. “Ito po ang isa sa pinakamalinaw na patunay ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaan.” Nagpatuloy siya ng ilang minuto, maayos ang tono, parang sanay na sanay. Ako nama’y nakikinig, nakatitig sa lamesa, sinusubukang paniwalaan na kaya ko rin iyon kapag ako na ang tinawag.

Biglang nagsalita si Tatay, sabay lingon sa akin. “Ikaw naman, iho. Ano’ng maibabahagi mo?” Parang biglang umigting ang dibdib ko. Hindi ko alam kung dahil sa kaba o dahil alam kong wala akong maitatagong lihim kapag ako ang nagsalita. Umupo kami, at si Nathanael ang agad nagsimula ng pagbabahagi, hawak ang kanyang Bible na parang kabisado ang bawat pahina. Habang nagsasalita siya, napatingin ako sa matanda. Tahimik itong nakikinig, paminsan-minsan ay tumatango. Si Micah naman ay nagdadagdag ng maliliit na kwento para gawing mas light ang usapan.

At ako? Nakaupo, hawak ang notebook ko, nakikinig din. Pero sa loob-loob ko, parang may sariling usapan na nangyayari ako at ang Diyos.

“Lord,” bulong ko sa isip ko habang nakatingin kay Nathanael, “paano kung tama siya at mali ako? Paano kung sa harap ng mga taong ito, ako mismo ang hindi karapat-dapat magturo tungkol sa Iyo?” Nag-init ang dibdib ko. Kasi habang pinapanood ko si Nathanael na buo ang loob, ako naman parang nadudurog sa sariling lihim.

KABANATA IX

Muling nagsalita si Tatay, sabay lingon sa akin. “Ikaw naman, iho. Ano’ng maibabahagi mo?” Parang biglang tumigil ang lahat. Narinig ko ang ingay ng mga manok sa labas, ang hampas ng hangin sa pawid, pero sa loob ng kubo, ako lang ang tinatanong. Napatingin ako kay Nathanael, pero diretso lang ang tingin niya sa akin hindi utos, hindi pressure, kundi parang sinasabi Kaya mo ’yan.

Humigpit ang hawak ko sa notebook na bitbit ko. Binuksan ko ito, kahit wala naman talagang nakasulat na verse sa unang pahina. Pero sa isip ko, may isang talata na paulit-ulit na dumadaloy mula pa kagabi.

“‘Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest.’”

Malumanay kong binigkas mula sa Mateo 11:28. Huminga ako nang malalim bago nagpatuloy. “Madalas po, dala natin araw-araw ang bigat, problema, takot, at minsan, pati yung mga bagay na hindi natin masabi kahit kanino. Pero sabi po ni Jesus, kapag lumapit tayo sa Kanya, may pahinga. May kapayapaan.”

Tahimik ang kubo. Nakatingin lang si Tatay, pero ramdam ko na pinapakinggan niya. Ako mismo, parang nakikinig din sa sarili kong salita at mas lalong sumasakit ang dibdib ko, kasi pakiramdam ko, ako ang pinaka-nangangailangan ng “pahinga” na iyon.

“Ang ganda nun, iho,” sagot ni Tatay matapos ang ilang segundo. “Parang ako rin, marami nang dalang bigat sa buhay. Kung totoo nga na may kapayapaan sa Diyos, gusto kong maranasan ’yan.” Napangiti si Micah, kasabay ng pagbitiw ng salita.

“Kaya nga po kami nandito, Tay. Hindi para magpabigat, kundi para maghatid ng pag-asa.” At doon ko naramdaman, kahit sandali lang, na baka may silbi rin pala ang presensya ko rito. Kahit nagdududa ako kung karapat-dapat ba ako, baka ginagamit pa rin ako ng Diyos sa paraang hindi ko inaasahan.

“Kaya amin po kayong inaanyayahan mamaya po para po sa ating pormal na pag-aaral. Kung may kasama po kayo riyan ay maaari niyo po silang isama. O kahit may chikiting po kayo riyan ay pwede niyo po silang papuntahin mamayang alas kuwatro ng hapon para po makinig ng mga bible stories at makilahok sa mga activities po na inihanda po namin para sa kanila.” pag-anyaya ni Micah at tumango naman si Tatay Ignacio bilang pagtugon.

Masayang natapos ang aming session sa pagtatapos ng panalangin na pinangunahan pa rin ni Nathanael.

Matapos naming makausap ang matanda, nagpasalamat kami at nagpaalam. Ramdam ko pa rin ang bigat ng mga salita niya lalo na nung sinabing buti raw at may kabataan pang handang mag-ikot dala ang Biblia. Parang pinipisil ang dibdib ko habang naglalakad kami papunta sa susunod na bahay.

Tahimik ulit ang paligid. Tanging langitngit ng mga tsinelas sa graba at huni ng ibon ang naririnig. Si Micah, gaya ng dati, ang unang bumasag sa katahimikan.

“Grabe, ang cool no? First house pa lang, parang may spark agad!” sabi niya habang naka-ngiti, halos hindi alintana ang araw na nagsisimula nang sumikat.

“Hindi spark, conviction,” mabilis na sagot ni Nathanael. Diretso ang tingin, seryoso pa rin. “Hindi ito laro, Micah. Ang dala natin ay Salita ng Diyos.”

Napatingin ako sa kanya. Parang laging may bigat ang bawat katagang lumalabas sa bibig niya. Minsan, naiisip ko, paano niya nagagawang maging ganun katatag? Samantalang ako… hindi ko nga alam kung karapat-dapat ba talaga ako rito.

“Uy Kael,” sabay tapik ni Micah sa balikat ko. “Anong tingin mo? Parang mas approachable ka sa mga tao eh. Dapat ikaw na sa next house.” Bigla akong napatigil. Ako? Ako agad?

“Pwede naman,” sabat ni Nathanael, pero ramdam ko ang tono. Hindi siya nag-aalok, parang sinusubukan lang niya akong subukin. Bago pa ako makasagot, napansin naming may nakatayong lalaki sa tapat ng susunod na bahay. Mukhang nasa apatnapu’t singko, naka-sando, may hawak na tabo at kagagaling lang magdilig ng halaman. Mahigpit ang tingin niya, parang nagtataka kung bakit may mga estrangherong papalapit.

“Magandang umaga po!” sigaw agad ni Micah, taas-kamay pa na parang kaklase na nagvo-volunteer sa recitation. “Kami po ay mga estudyante po mula sa college of Theology at Nutritionist and Dietetics. May mission po kami dito sa lugar ninyo para magbahagi ng Bible study maging ng mga gabay pangkalusugan po.”  Hindi agad sumagot ang lalaki. Sinipat kami mula ulo hanggang paa.

“Bible study? Bakit dito pa sa amin? Hindi ba’t may mga pari naman at pastor sa bayan?” Kunit noong aniy. Biglang tumahimik ang paligid. Ramdam ko ang kaba sa dibdib ko, lalo na nang mapatingin siya diretso sa akin. Para bang hinihintay niya ang sagot ko.

Naglakad nang bahagya si Nathanael, umabante ng isang hakbang.

“Hindi po kami nandito para palitan sila,” sagot niya, diretso at walang pag-aalinlangan. “Narito kami para magbahagi ng oras, makinig, at magpaalala ng Salita ng Diyos kahit sa simpleng paraan.” Nagkatinginan kami. Ramdam ko na parang hinahamon ako ng sitwasyon. Ako ba’y mananahimik lang? O sasabay sa bigat ng sagot ni Nathanael? Napakagat-labi ako, pero pinilit kong huminga nang malalim.

“Tama po siya,” sabat ko, halos pabulong pero buo. “Gusto lang po naming maging tulay. Wala naman pong mawawala kung maglalaan lang tayo ng ilang minuto para sa salita ng Diyos… diba po?” Nakatahimik ang lalaki sandali. Pagkatapos, bahagya siyang tumango, parang hindi kumbinsido pero ayaw na ring makipagtalo.

“Sige… pumasok kayo. Pero wala akong oras na mahaba, ha?”

“Salamat po!” halos sabay na sagot namin. Sa loob ng bahay, may simpleng sala, lumang upuan, isang mesa na may lumang radyo, at kalendaryo ng santo sa dingding. Naupo ang lalaki habang pinatayo kami sa gilid, parang mga bisitang hindi pa sigurado kung welcome ba talaga.

Ako ang unang nakaramdam ng kaba. Parang lahat ng mata lalo na yung kay Nathanael ay nakatutok sa akin.

“Kael,” bulong ni Micah, bahagya pang ngumisi. “Ikaw na.”

Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko pero bigla kong binuklat ang dala kong Biblia.

“Magandang umaga po ulit. Ako po si Kael, kasama ko sina Nathanael at Micah. Kung okay lang po, gusto naming magbahagi ng ilang talata tungkol sa pag-asa.” Napakunot ang noo ng lalaki, pero hindi siya nagsalita. Tiningnan lang niya ako, naghihintay.

“Bago ho tayo magsimula ay atin pong ipikit ang ating mga mata at marahang itungo ang ating ulo upang damhin ang ating panalangin. Dakila naming panginoon na siyang gumagabay sa aming lahat. Nawa’y mapatawad niyo po kami sa aming pagkakasala. Amin din pong itinataas ang aming pasasalamat dahil kami po ay inyong ginising upang ikaw ay papurihan. Hinihiling po namin na maging bukas po ang kaisipan ang lahat at mainit kaming tanggapn. Hangad po namin ang kaligtasan na nagmumula sa inyo. Ang aming mga panalingin ay aming itinataas sa pangalan ni kristo. Amen!”

Nagmulat ako ng aking mga mata, ang kaba ay muling dumaloy sa aking katawan.  Binasa ko ang nasa isip ko ang Isaias 41:10

“‘Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagkat ako’y iyong Diyos; aking palalakasin ka, oo, aking tutulungan ka, oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.’”

Natahimik ang lahat. Ramdam ko ang panginginig ng boses ko, pero pinilit kong ituloy. “Alam ko po na sa panahon ngayon, maraming tao ang natatakot at nawawalan ng tiwala. Pero ipinapaalala po ng Diyos na hindi Niya tayo iiwan. Kahit gaano kaliit ang pananampalataya natin, sapat iyon para buhatin Niya tayo.”

Bahagyang tumango ang lalaki, pero halatang nag-iisip pa rin.

“Kung totoo nga ’yan,” sabi niya, mabagal ang boses, “eh bakit parang ang daming pinababayaan ng Diyos?”

Hindi ko agad alam ang isasagot. Nanlamig ang palad ko. Pero bago pa ako makapagsalita, si Nathanael ang sumalo.

“Hindi Niya tayo pinababayaan,” sabi niya, diretso pa rin. “Minsan, pinapadaan lang tayo sa hirap para makita natin kung gaano Siya katapat. Ang pagkakaiba lang, nasa atin kung pipiliin nating kumapit o bibitaw.”

Napalunok ako. Kasi sa sinabi niya, parang hindi lang yung lalaki ang kausap niya kundi pati ako.

“Sabi rin po sa amin, mabigat man ang iyong suliranin, isa pa rin po itong blessings mula sa kaniya. Blessings in disguise po kumbaga. Hindi po kasi lahat ng blessings ay mabuti. Hindi po natin alam na ang mga problema natin ay isa rin po palang blessings sa atin. Hindi lang natin alam dahil ang takbo sa isip natun ay mahirap.” dagdag ko pa. Napatingin sa akin ang lahat, ito na naman ang abnormal na tibok ng puso ko. Sobrang bilis nito nang magtama ang mata namin ni Nathanael.

Lord, alam niyo pong gustong-gusto kong kumapit sa inyo. Siguro po ay hindi pa ganoong kabuo ang loob ko sapagkat ay patuloy akong pinupuksa ng tukso. Ayoko pong bumitaw sa pagkakakapit sa iyo. Tulungan po ninyo ako

KABANATA X

Natahimik ang buong sala. Ang tanging naririnig lang ay ang langitngit ng lumang electric fan na paikot-ikot ang ulo. Nakapamaywang ang lalaki, nakatingin sa sahig. Hindi ko alam kung nagagalit ba siya, o napaisip. Kami naman ni Micah halos pigil-hininga lang, habang si Nathanael parang wala lang, steady pa rin, parang alam na niya ang susunod na mangyayari. Maya-maya, nagsalita ang lalaki, mababa ang boses.

“Alam n

yo

, hindi ako relihiyosong tao. Minsan lang ako magsimba. Minsan, wala pa. Pero kanina, nung binasa mo yung Isaias…“ napatingin siya sa akin, diretso, parang sinisipat ang kaluluwa ko. “

P

arang sakto sa nararamdaman ko.“ Napakagat-labi ako, hindi alam kung ano ang isasagot. Pero bago pa ako makapagsalita, napailing siya at tumawa ng mahina.

“Hay naku. Siguro kailangan ko nga ng ganitong paalala.” Umupo siya ulit, parang biglang lumambot ang dating matigas na tindig. “Ganito na lang. Wala akong oras ngayon, may trabaho pa ako sa bukid. Pero…” Napatingin siya sa amin, isa-isa. “

Pwede

kayong bumalik bukas. Kung talagang seryoso kayo, subukan nating ipagpatuloy itong Bible study.“ Nagliwanag ang mukha ni Micah.

“Talaga po? Salamat po! Promise, babalik kami! Pero pwede rin po kayong pumunta mamaya sa ating kapilya. Magsasagawa po kami roon ng bible study. Kung may kasama man po kayo riyan ay maaari niyo rin po silang anyayahan. Kung may bata rin po kayo ay pwede niyo rin pong papuntahin mamayang alas kuwatro ng hapon.” Napangiti ako, kahit may kaba pa rin sa dibdib. Ramdam kong iyon ang unang yes na natanggap namin ngayong mission. At alam kong hindi iyon dahil magaling kami magsalita, kundi dahil may kumilos na higit sa amin. Paglabas namin ng bahay, ramdam ko ang bigat na natanggal sa dibdib ko. Parang unang tagumpay.

Pero habang naglalakad kami papalayo, ramdam ko rin ang titig ni Nathanael. Hindi ko alam kung proud ba siya, o sinusukat pa rin ako. Basta ang sigurado ko lang hindi matatapos dito ang kwento naming tatlo.

Habang naglalakad kami pauwi, iniwan muna kami ni Micah dahil may dinalaw siyang kakilala sa kabilang bahay. Naiwan kaming dalawa ni Nathanael. Tahimik siya ng ilang minuto, hanggang sa nagsalita.

“Kael.” Napatingin ako.

“Alam mo ba kung bakit pinapadala tayo sa mga ganitong mission?” Nag-isip ako sandali.

“Para ma-practice yung natutunan natin. Para makapagbahagi ng salita ng Diyos sa iba.” Umiling siya.

“Hindi lang para doon. Kundi para matutunan din natin kung sino talaga tayo sa harap ng Diyos.” Tumingin siya diretso sa akin, parang binabasa ang lahat ng iniisip ko. “Lalo ka na.” Parang may dagok sa dibdib ko. Hindi ko alam kung nainsulto ba ako o tinamaan ng totoo. Kasi paano kung tama siya? Paano kung mismong mission na ito ang maglalantad ng lahat ng pilit kong itinatago?

Bago ko pa masagot, bumalik si Micah, masaya at may dalang suman.

“Mga pre, magtanghalian na tayo!” At natigil ang lahat. Naiwan akong may tanong sa isip . Kung matutuklasan nila kung sino talaga ako, matatanggap pa ba nila? O lalo lang akong mawawala?

Napabuntong hininga ako at saka sumunod sa kanila. Nang makarating sa kubo ay kumpleto na sila at kami na lang ang hinihintay.

Mainit ang tanghali, pero malamig-lamig pa ang simoy ng hangin mula sa dagat na sumasayaw sa paligid ng maliit na kubo kung saan kami kumakain. Nakalatag lang sa kahoy na mesa ang ulam tinolang manok na niluto ng isa sa mga nanay doon, pritong galunggong, at kaning bagong-saing. Masaya silang naupo, mukhang close na close na agad sila. Hindi rin imposible dahil sa mukha pa lang ng bawat isa na narito sa loob ay mukha naman silang mga friendly na aking patotohanan.

“Kumusta naman ang naging house visitation ninyo?” tanong sa amin ni pastor Mel.

“Ayos naman po kami, nawa’y nahikayat namin sila.” Si Ruth ang sumagot. Kasama niya sina Levi at Gia.

“Sa amin naman, maayos naman din. Pinababalik kami bukas hehe.” masiglang singit naman ni Micah.

Nagtuloy-tuloy ang kanilang pag-uusap. Maiingay sila pero mararamdaman mo ang saya. May mga pagkakataon na nakikitawa ako sa mga biro nila pero hindi ko magawang makipagsabayan sa kanila dahil hindi ko maabot ang kanilang mga kasiglahan sa katawan.

“Pero alam ba ninyo, si Kael kilala na raw sa COT. Narinig ko pa nga kay Pastor Reyes dati, yan daw yung estudyante na laging may matitinding punto kapag debate tungkol sa controversial topics.” Biglang sambit ni Pastor Mel. Agad kong naramdaman ang pagtigil ng kamay ko sa kutsara’t tinidor. Napatingin ang ilan sa akin, nakangiti, parang curious kung totoo nga.

“Uy, talaga?” Isyoso nu Micah. “Kael, ikaw pala yung parang defender sa klase n’yo? Kaya pala ang tapang mo kanina.” Napakamot ako sa batok, pilit na ngumiti.

“H-hindi naman… normal lang.”

Pero hindi tumigil si Micah, halos kumikindat pa.

“Eh, hindi lang normal yun. Kung ako, baka nanginginig na yung boses ko. Pero ikaw, parang sanay na sanay. Alam mo ba, idol ka na ng iba dahil sa paninindigan mo. Ang tanong, hanggang saan mo kaya panindigan?”

Doon ako napayuko. Ang huling tanong na iyon, kahit sinabi niya nang parang biro, parang pako na tumusok sa dibdib ko. Hanggang saan ko nga ba kayang panindigan? Kung malaman nila ang lahat tungkol sa akin… kaya ko pa rin bang magsalita nang may lakas ng loob?

Naramdaman ko ang tahimik na titig ni Nathanael mula sa kabilang dulo ng hapag. Hindi siya nakisali sa usapan. Hindi siya nagbiro. Pero ramdam ko ang bigat ng kanyang presensya, parang siya lang ang tunay na nakakaunawa kung bakit ako biglang nanahimik. Kinuha ko ang baso ng tubig at uminom, para lang may magawa.

“Basta… ginagawa ko lang kung ano yung alam kong dapat,” mahina kong sabi, pilit na hindi nagpahalata ng bigat. Ngumiti ang iba, umiling si Micah.

“Grabe, humble pa.” Nagpatuloy ang tawanan sa paligid, pero ako, parang naiwan sa gitna ng tanong na hindi ko masagot.

Bakit parang ako na lang lagi ang tinuturo ng mga tao? Akala nila, matibay ako. Pero hindi nila alam na ako mismo ang may pinakamaraming tanong. At kung dumating ang araw na mabunyag ang lahat… may maniniwala pa kaya sa akin?

Panginoon, hanggang saan ba talaga ang kaya kong panindigan, kung pati sarili kong pagkatao ay hindi ko kayang ipagtapat?

KABANATA XI

Natapos din ang tanghalian. Isa-isa nang nagsitayo ang mga kasama namin para magligpit ng pinagkainan at magpahinga sa kubo na pansamantala naming tinutuluyan. Ako naman, nanatiling nakaupo, pinaglalaruan ang baso ng tubig na kalahati pa lang ang laman. Para bang ayaw ko pang umalis, o baka gusto ko lang magtago ng saglit.

“Kael.” Napatingala ako. Si Nathanael. Nakatayo siya sa harap ko, hawak ang kanyang Biblia, mahigpit ang pagkakaipit sa braso niya. Hindi seryosong sing-talim ng mga debate namin dati ang mukha niya , ngayon ay mas banayad, pero mabigat pa rin. “Pwede ba tayong maglakad? Sandali lang.” Napilit akong tumango. Lumabas kami, naglakad sa gilid ng kalsada kung saan tanaw ang bukirin at dagat sa malayo. Tahimik sa una, hanggang siya na rin ang bumasag.

“Kanina, nung sinabi nila na sikat ka raw sa COT,” tumigil siya saglit, huminga nang malalim, “hindi ka natuwa.” Napahinto ako sa paglalakad. Totoo ngang hindi makakatakas sa lahat sa isang mapagmasid na Nathanael.

“Ha?” Takang kunyaring sambit ko kahit na alam kong malinaw ang lagkakasabi niya. Tinitigan niya ako, seryoso.

“Alam ko yung tingin ng taong natutuwa at yung tingin ng taong kinukwestyon yung sarili. Kael, bakit gano’n yung mata mo kanina?” Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ako makasagot agad. Kaya napailing na lang ako, napatawa nang mahina.

“Iniisip mo lang siguro, Nathanael.”

Umiling siya, mariin. Tila hindi naniniwala sa sinabi ko.

“Hindi. May bigat sa loob mo. At hindi ko alam kung dahil ba sa mga sinasabi nila, o dahil may pinapasan ka pang iba.” Humigpit ang hawak ko sa strap ng bag ko. Gusto kong sabihin na mali siya. Pero paano ko itatanggi kung ramdam ko rin?

“Hindi lahat ng laban ko, nakikita sa klase o sa Bible study,” mahina kong sagot. “May mga bagay na mas mahirap ipaliwanag. Yung tipong kahit gaano mo pa kaalam  ang Bibliya, hindi mo pa rin alam kung saan ka lulugar.”

Sandaling katahimikan. Ang tanging naririnig ay ihip ng hangin sa mga puno ng niyog.

“Kael…” marahang sabi ni Nathanael, halos bulong. “hindi mo kailangang mag-isa sa laban mo.” Parang may kumurot sa dibdib ko. Ang lalim ng tinig niya, at sa paraan ng pagkakasabi, ramdam kong hindi lang iyon simpleng concern ng isang kaklase. May bigat, may sinseridad. Pero hindi ako puwedeng mabunyag. Hindi dito. Hindi pa.

“Kaya ko,” sabi ko na lang, pilit na ngumiti. “Sanay na ako.” Tinitigan niya ako nang matagal, bago tumango.

“Kung iyan ang sabi mo.” Naglakad na siya pabalik, at naiwan akong nakatingin sa malayo, pilit pinapakalma ang tibok ng puso ko.

Napahawak ako sa aking dibdib. Pakiramdam ko ay mauubusan ako ng hangin gayong halos malunod na ako sa lakas ng hangin dito sa kinatatayuan ko.

Marahan akong pumikit at huminga nang malalim. Hindi ko na maintindihan ang sarili ko. Ginugusto kong maging matuwid ngunit sadyang malaks ang puwersa ng aking puso at nadadaig ng kaisipang pagkatuwid ko ang paglihis dito.

Hindi ko na alam kung paano ko pa ito panghahawakan. Masyado na akong nahihirapan.

Nasa loob kami ng maliit na kubo na pansamantalang ginawang meeting area. Nasa sahig ang mga colored papers, krayola, at ilang props na hiniram pa namin sa simbahan bago bumiyahe. Si Micah, gaya ng dati, masiglang nagkukwento habang nagpipinta ng cartolina na may larawan ni Noah’s Ark.

“Kael, ikaw sa opening ha? Yung parang storyteller voice na ginagawa mo sa klase,” nakangiting sabi niya. Napailing ako, pero hindi ko maitago ang ngiti.

“Aba, scripted na pala tayo?” Biro ko

“Hindi, pero bagay talaga sa’yo,” sabat naman ni Nathanael habang tinatali ang ginupit na papel na ginawa niyang mga hayop. Pakiramdam ko ay pinamulahan ako ng mukha sa mga sandaling ito kaya agad din akong umiwas ng tingin.

“Ikaw yung tipo na kaya mong gawing exciting kahit simpleng kwento lang.”

Natigilan ako sa saglit na papuri niya. Agad kong ibinaling ang tingin sa mga gamit para hindi mahalata na kinilabutan ako sa tono ng boses niya.

Lumipas ang tatlumpung minuto sa paghahanda. Ang iba naming kasama abala sa pagsasaayos ng upuan, habang kami nina Nathanael at Micah ay pinaplanong muli ang flow ng programa. Alas-kuwatro na nang unti-unti naming naramdaman ang katahimikan. Walang ingay ng bata sa labas. Walang kakatok. Walang yabag.

“Siguro late lang,” ani Levi habang nag-aayos ng props. Pero sa loob-loob ko, ramdam ko na hindi lang late.

Dumaan ang sampung minuto. Labinlima. Hanggang sa ang ingay na naririnig lang ay mula sa bentilador na mahina ang ikot.

“Kael…” mahinang tawag ni Micah.

“Wala yata talagang darating.”

Naramdaman kong biglang bumigat ang dibdib ko. Pinaghandaan namin ito buong hapon. May mga kwento kaming inayos, may mga kanta, may mga laruan pa. Pero ngayon, parang binura lahat sa isang iglap. Ngunit ang isang ito ay parang hindi namin napaghandaan.

“Baka naman may kalaro pa sila sa labas?” suhestiyon ng isa naming kasama.

“Baka hindi nakarating yung announcement?” dagdag pa ng isa. Tahimik si Nathanael. Nakaupo lang siya, hawak-hawak ang ginupit na papel na parang mawawala sa mga daliri niya. Sa wakas nagsalita siya

“Siguro… hindi pa ito yung oras. Baka kailangan muna nating lumapit bago sila lumapit sa atin.” Tinignan ko siya. Kita ko ang bigat sa mga mata niya, pero may kasamang tapang. At doon ko naramdaman ang kabiguan na hindi lang sa akin, kundi sa aming lahat. Napaupo na rin ako sa gilid, napabuntong-hininga.

“Paano kung ganito rin bukas? At sa mga susunod na araw? Ano’ng mangyayari sa mission natin kung mismong mga bata ay ayaw makinig?”

Walang sumagot. Para kaming sabay-sabay na tinamaan ng parehong tanong. At doon ko naisip, hindi laging sapat ang preparasyon. May mga pagkakataon na haharapin mo ang katahimikan na parang pagsubok at tanging pananampalataya lang ang magiging sandata.

Alam ko ang habag ng panginoon, alam kong hindi niya kami pababayaan. Gaya ng sinabi ko kanina ay isa pa rin itong blessings para sa amin. Na ito ang magbibigay ng aral sa amin upang lalong magtiwala sa kaniya.

“Kung magbahay-bahay kaya muna tayo?” biglang suhestyon ni David. Wala ring sumagot sa kaniya. Biglang tumayo su Nathanael at nagpunta sa unahan.

“Mga kapatid, ipanalangin na lang muna natin ito ngayon.” Sumunod naman ang lahat hanggang sa lahat na kami ay nasa gitna at siya ay nasa unahan. Nang maghawak-hawak na kami ng kamay habang nakapabilog ay saka siya sumingit sa kanan ko at hinawakan ang kamay ko.

Muling dumapo ang kuryente sa aking katawan sa mga oras na ito. Nanumbalik ang kaba at bilis ng tibok ng puso ko sa tuwing malapit siya sa akin. Napalunok ako at halos hindi na marinig ang dasal niya dahil ang naririnig ko lamang ay ang tibok ng puso kong alam kong siya ang tinitibok.

KABANATA XII

Mahigit tatlumpung minuto na ang lumipas. Tahimik pa rin ang paligid. Ang iba sa amin, halos mawalan na ng gana at nagsimula nang magligpit ng ilang gamit. Si Micah, kahit likas na masayahin, hindi maitago ang pagbagsak ng balikat niya.

“Sayang naman,” bulong niya. “Ang dami pa namang drawings.”

Ako naman, nakatingin lang sa pinto. Sa isip ko, para akong nakikipagtagisan sa orasan. Tila ba bawat segundo ay paalala na wala kaming naabot. Pero bigla isang mahina pero malinaw na boses ang narinig namin.

“Kuya ano po ’yan?” Sabay-sabay kaming napalingon. Nakatayo sa bungad ng pintuan ang isang batang lalaki, mga pito o walong taon, may dalang tirador sa bulsa. Kasunod niya ang dalawang batang babae, medyo mahiyain, pero nakasilip din. Para kaming lahat biglang nabuhayan.

“Ay! Hello!” mabilis na bati ni Micah, agad tumakbo papalapit. “May Bible story kami dito. Gusto nyo bang makinig?” Nagkatinginan ang tatlong bata, tapos dahan-dahang pumasok, parang hindi sigurado. Nakangiti si Nathanael, pero ramdam ko rin ang kaba niya. Kinuha niya ang ginupit na papel na hayop at marahang iniabot sa batang lalaki.

“Gusto mo bang ikaw ang magdala nito mamaya habang nagkukwento kami?” Parang lumiwanag ang mukha ng bata, sabay tango. At mula sa pintuan, may isa pang sumilip. Dalawa. Hanggang sa maya-maya lang, halos sampu na silang mga bata, pumasok at nag-uunahan sa mga upuan. Parang himala.

Napaupo ako at napailing, hindi makapaniwala. Kanina, halos mabasag ako sa katahimikan. Pero ngayon, unti-unti kong naramdaman na baka nga tama si Nathanael. Hindi kami dapat hintayin, kami mismo ang dapat maging dahilan para silang mga bata ay lumapit.

“Kael,” bulong ni Micah, abot-tainga ang ngiti. “Ikaw na ang mag-opening. Ikaw ang storyteller, ’di ba?” Huminga ako nang malalim, pinilit iwaksi ang kaba. At habang nakatitig sa mga batang naghihintay, pakiramdam ko nagsisimula pa lang ang totoong mission namin.

Huminga ako nang malalim, parang kailangan ko munang buuin ang sarili ko bago magsalita. Nakaupo sa gitna ng maliit na grupo ng mga bata, hawak ko ang isang makulay na larawan ng isang tupa. Sa gilid, ramdam ko ang mga mata nina Micah at Nathanael, maging ng iba, tahimik na nakamasid, parang handang sumalo kung sakaling mabasag ako sa gitna.

“Mga bata,” sabi ko, sabay ngiti. “Bago tayo magsimula, magdasal muna tayo. Kasi lahat ng ginagawa natin ay para kay Lord.” Tahimik silang napatingin sa akin, tapos isa-isa ring pumikit. Ako man, huminga nang malalim bago nagsimula.

“Panginoon, maraming salamat po sa araw na ito. Salamat po dahil nandito ang mga bata na handang makinig sa Inyong salita. Lord, nawa’y gamitin nyo po ako para maging malinaw ang mensahe Ninyo. Bigyan nyo rin po ng bukas na puso ang bawat isa, para matanggap nila ang pag-ibig ninyo. Sa pangalan ni Jesus, Amen.” Sabay-sabay silang sumagot ng, “Amen,” at doon ako tuluyang ngumiti.

“Mga bata,” panimula ko, sinikap kong gawing malambing ang boses ko, “May narinig na ba kayo tungkol sa mabuting pastol?” Nagkatinginan ang ilan sa kanila, saka may isa na mahiyain pero nagtaas ng kamay.

“Yung si Jesus po?” Ngumiti ako, parang biglang gumaan ang dibdib ko.

“Tama. Si Jesus ang mabuting pastol. Pero alam nyo ba kung bakit siya tinawag na ganon?” Hinawakan ko ang drawing ng tupa at iniangat. “Kasi kahit mawala ang isa sa kanyang mga tupa, hahanapin niya ito. Kahit gabi na, kahit mapagod siya, hinding-hindi siya titigil. Kasi mahal niya ang bawat isa sa kanila.” Nakita ko ang mga bata na dahan-dahang nakikinig, nakasandal, para bang unti-unting napupunta sa mismong eksena ng kwento. Ginamit ko ang kamay ko para gumalaw ang larawan, parang puppet, at ginawa kong mas buhay ang boses ko.

“Isipin nyo, kayo ang tupa na nawawala. Madilim tapos nakakatakot, tapos wala pa kayong kasama. Pero biglang may liwanag at iyon pala, ang pastol. Dumating siya para kunin kayo, buhatin, at dalhin pabalik sa ligtas na lugar.” May isa sa mga batang babae na napangiti, tapos sabay sabing, “Parang si Mama po paghinahanap ako kapag nawawala ako sa bayan.” Tumawa ang iba, pati kami.

“Oo,” sagot ko. “Ganun na ganun. Pero isipin mo, mas higit pa si Jesus sa Mama mo. Kasi kahit anong mangyari, hinding-hindi ka niya iiwan.” Habang nagkukwento ako, hindi ko maiwasang sulyapan si Nathanael. Tahimik lang siya, pero seryoso ang tingin sa akin. Hindi ko alam kung para bang sinusuri niya ang bawat salita ko, o kung natutuwa siyang makita akong nasa gitna ng kwento. At sa sandaling iyon, naisip ko na baka kahit papaano, nagiging instrumento rin ak kahit hindi ko lubos na alam kung karapat-dapat ba ako.

Nang matapos ko ang kwento, nagpasalamat ang mga bata. Isa-isa silang nag-abot ng drawings na pinakulay namin, parang maliit na regalo. Ramdam ko ang init sa dibdib ko, hindi dahil napansin nila ako kundi dahil sa unang pagkakataon, nakita ko ang ngiti ng mga bata na puno ng pag-asa. At bago sila umalis, isang batang lalaki ang bumulong sa akin.

“Kuya, pwede po ba ulit bukas? Gusto ko pa pong makinig.” Napatingin ako kina Micah at Nathanael, at doon ako tuluyang napangiti. Kasi sa wakas, naramdaman ko na may bunga ang bawat pagod, bawat kaba, at bawat panalangin.

“Oo naman, hanggang sa mga susunod pa na bukas.” nakangiting tugon ko atsaka ginulo ang kaniyang buhok. Napatalon naman siya sa tuwa at lumabas ng iglesia nang yakap-yakap ang kakaunting regalo namin sa kanila na biskwit at fruit juice.

“Ang saya ng mga bata kanina,” sabi ni Micah habang sumasandok ng kanin.

“Akala ko hindi sila makikinig, pero grabe, halos lahat nakatitig sa inyo, Kael!” Napangiti ako, pero mahina lang.

“Baka curious lang sila kasi hindi nila ako kilala.” Kontra ko

“Hindi,” sabat ni Nathanael. “Klaro ang kwento mo. Simple, pero may laman. Ramdam ko na naintindihan nila.”

Napatigil ako sa pagnguya. Hindi ko alam kung papaano ko tatanggapin iyon, compliment ba o subtle na hamon? Kasi kung totoo ngang naramdaman nila, ibig sabihin ba’y tama ako sa ginagawa ko?

Habang nag-aayos ng mga gamit na gagamitin para sa evening session , napunta ang usapan sa dami ng dumalo.

“Sayang, konti lang ang pumunta,” sabi ng isa sa mga kasama naming babaee na si Gia.

“Baka kasi nahihiya pa sila.” Tugon naman ni Rommel

“Hindi dapat iyon ang basehan,” sagot ni Nathanael, diretso. “Kahit isa lang ang makinig, may saysay na. Kasi iyon ang halimbawa ng iniwan ni Jesus, iniwanan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang isa.” Tahimik akong nakinig. Totoo naman. Pero sa loob ko, may bumubulong na tanong. Paano kung ako ang ‘isa’ na iyon? Yung palaging hinahanap, pero hindi matanggap kapag nahanap na?

“Kael, okay ka lang?” tanong ni Micah bigla. “Tahimik ka ah.”

Ngumiti ako, pilit. “Oo naman. Nag-iisip lang.” Pero ang totoo, kinukwestyon ko ang sarili ko. Kasi habang pinupuri nila ang paraan ko ng pagkukwento, ako naman ay natatakot. Karapat-dapat ba talaga akong maging tagapagdala ng Salita kung mismong puso ko ay may tinatago?

Umihip ang hangin at saglit na pinatay ang apoy ng gasera. Nagdilim ang mesa, pero may mga tinig pa ring nagtatawanan at nagkukuwentuhan. At doon ko na-realize na kahit gaano karami o kakaunti, kahit gaano kaliwanag o kadilim, tuloy ang misyon. Huwag ding panghinaan ng loob. Anjan pa rin ang diyos kaya patuloy pa ting manalig sa kahit anong oras, paraan, maging sa bagay.

KABATANA XIII

Malamig na ang simoy ng hangin ngayong gabi. Sa loob ng maliit na kubo, nagtipon ang mga taga-barangay. Ilang gasera lang ang nagsilbing ilaw, pero sapat na para makita ang mga mukha ng bawat isa. Mga bata sa gilid na nakasilip, habang ang matatanda naman ay nakaupo sa bangko, sabik at tahimik na naghihintay. Tumayo si Levi sa gitna para buksan ang programa.

“Magandang gabi po sa lahat. Bago po tayo magsimula, yayaain ko po kayong manalangin.” Sabay-sabay na yumuko ang lahat, at siya ang nanguna. “Panginoon, salamat po sa pagkakataong ito na kami ay makapagbahagi ng mga kaalaman at ng Inyong Salita. Pagpalain Ninyo po ang bawat isa na naririto, at nawa’y maging malinaw at kapaki-pakinabang ang lahat ng aming pag-uusapan ngayong gabi. Sa pangalan ni Jesus, Amen.” Sabay-sabay na sumagot ang mga tao ng, “Amen.”

“Ngayon po, magsisimula tayo sa isang leksyon tungkol sa kalusugan. Si Lois po ang magbabahagi sa atin.” Dagdag pa niya.  Tumayo naman si Lois dala ang ilang chart at improvised na poster. Kahit halatang kinakabahan, malinaw ang boses niya.

“Magandang gabi po sa lahat,” panimula niya. “Kami po ay mula sa isang International School sa Manila, at ngayong gabi ay nais po naming magbahagi ng ilang mahahalagang bagay tungkol sa ating kalusugan.”

Nagpalakpakan saglit ang ilan, tapos natahimik muli. Si Lois, sanay makipag-ugnayan, agad nagbukas ng kwento.

“Alam n’yo po ba na minsan, ang sakit ay hindi lang dahil sa kakulangan ng gamot? Kadalasan, nagsisimula ito sa ating simpleng araw-araw na gawain.”

Itinaas niya ang isang bote ng tubig. “Halimbawa po, ang pag-inom ng malinis na tubig. Madali nating nakakaligtaan, pero ito ang pinakaunang hakbang para maiwasan ang sakit.” Tumango-tango ang ilang nanay sa harap, na tila ba’y sumsasang-ayon sa sinabi ni Lois.  Nagpatuloy si Lois gamit ang mga larawan at simpleng halimbawa, tulad ng pagkain ng gulay, sapat na tulog, at paglilinis ng kapaligiran. Hindi siya nagmukhang nagle-lecture lang dahil nagku-kwento siya, at halatang naiintindihan ng lahat.

“Kung gusto po nating maging malusog ang ating katawan, kailangan din nating alagaan ang ating paligid. Dahil sabi nga nila, cleanliness is next to godliness.” Ngumiti siya at tinignan ang mga bata sa gilid. “Kaya, sino sa inyo ang mahilig mag-toothbrush bago matulog?” Nagtaasan ng kamay ang ilan, sabay tawanan ng mga matatanda. Gumaan ang atmosphere, parang hindi nakakapagod pakinggan. Pagkatapos ng halos tatlumpung minuto, tinapos niya ang lesson sa isang simpleng paalala.

“Ang ating katawan ay regalo mula sa Diyos. Kung inaalagaan natin ito, para na rin tayong nagpapakita ng pasasalamat sa Kanya.” Nagpalakpakan ang lahat, at ngumiti siya, medyo pawis pero halatang magaan ang loob.

Sabay lapit ni Levi para magbigay ng transition. “Salamat, Lois. Ngayon naman po, dumako tayo sa pinaka-espiritwal na bahagi ng ating gabi. Si Nathanael po ang magbabahagi ng salita ng Diyos.” At doon, bumaling ang lahat ng mata kay Nathanael na papalapit sa gitna dala ang Biblia, seryoso ang mukha, parang handa na siyang ilatag ang bigat ng Ebanghelyo.

Tumayo si Nathanael sa gitna, hawak ang kanyang Biblia. Tahimik ang paligid, tanging huni ng mga kuliglig ang maririnig mula sa labas ng kubo. Nakatingin sa kanya ang lahat, naghihintay.

Ngumiti siya ng marahan at nagsalita, “Bago po tayo magsimula, yayaain ko po ulit kayong yumuko at idulog natin sa Diyos ang ating gawain.” Sabay-sabay na yumuko ang lahat. Malalim at mabagal ang boses ni Nathanael habang nagdarasal. “Amang Banal, kami po ay nagpapasalamat sa pagkakataong ito na makapagbahagi ng Inyong Salita. Buksan po Ninyo ang aming puso’t isipan, at nawa’y maunawaan namin ang aral na nais Ninyong iparating ngayong gabi. Kayo po ang manguna sa bawat salita at pagninilay. Sa pangalan ni Jesus, Amen.” Matapos ang panalangin, binuksan niya ang Biblia at binasa.

“Mateo 11:28: Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.”

Umikot ang tingin ni Nathanael sa mga tao, mabigat pero malinaw ang kanyang mga salita.

“Alam ko po, marami sa atin ang may pinapasan. Trabaho, pamilya, kalusugan, o maging mga bagay na hindi natin maibahagi kahit kanino. Pero ngayong gabi, ipinapaalala sa atin ng Diyos na hindi natin kailangang mag-isa. Siya ang ating pahinga.”

Habang nagsasalita si Nathanael, naupo ako sa gilid at nakikinig nang tahimik.

Habang pinagmamasdan ko si Nathanael, para bang iba siya rito. Hindi lang siya simpleng kaklase na seryoso palagi sa recitation. Para siyang ibang tao parang may bigat sa bawat salitang lumalabas sa bibig niya. At ang mga tao, nakikinig. Hindi sila bored, hindi sila restless. Naramdaman ko tuloy na kung paano kung ako ang nasa gitna? Makakaya ko rin ba?

Napatingin ako sa mga nakikinig na matatanda, ilang ina na may bitbit pang sanggol, mga ama na galing pa sa bukid. Nakita niya ang mga matang puno ng pag-asa.

Nagpatuloy si Nathanael, “Kapag ang buhay ay mabigat, hindi natin kailangan ng alak, hindi natin kailangan ng bisyo. Ang kailangan natin ay si Kristo. Siya ang tunay na nagbibigay lakas.” Kasabay ng bawat pangungusap, naramdaman ni Kael ang pagtama nito sa dibdib niya hindi lang para sa mga nakikinig, kundi pati na rin sa kanya. Natapos si Nathanael sa isang panalangin.
“Panginoon, itinataas po namin sa Inyo ang bawat pamilyang narito. Kayo po ang maging ilaw at lakas nila. Sa Inyo po ang lahat ng papuri. Amen.” Pagkatapos, nagbigay ng mahinang palakpakan ang mga tao. May ilan pang nagpunas ng mata.

Hindi ko alam kung bakit, pero parang ako mismo ay tinamaan. Hindi ko kayang ikumpara ang sarili ko kay Nathanael. Pero siguroito ang dahilan kung bakit kami narito. Hindi para ipakita kung sino ang magaling, kundi para maging instrumento. Pero bakit gano’n? Bakit pakiramdam ko, ako mismo ay kinukwestyon ng konsensya ko?

Pagkatapos ng panalangin, unti-unti nang nagsimulang magsalita ang ilan sa mga dumalo. Una, isang matandang lalaki ang nagtaas ng kamay. “Anak, kung si Kristo raw ang pahinga, eh… paano iyon kung araw-araw kang may iniintinding problema? Hindi ba’t tao lang tayo at napapagod din?”

Maingat na ngumiti si Nathanael.

“Totoo po iyon, Tatay. Tao lang tayo, napapagod, nagkakamali. Pero ang ipinangako ni Jesus ay hindi mawawala ang problema, kundi bibigyan Niya tayo ng lakas at pag-asa na kayanin ito. Hindi natin kailangang mag-isa.”

Sunod namang nagsalita ang isang nanay na may kargang bata.

“Eh paano po ’pag pakiramdam namin, hindi kami dinidinig ng Diyos? Ang tagal naming nagdarasal, pero wala namang sagot.” Sandaling natahimik ang lahat. Kita kay Nathanael ang pag-iingat sa kanyang sagot.

“Alam ko po, mahirap iyon. Pero minsan, ang sagot ng Diyos ay hindi agad-agad. Maaaring ’

oo

’, maaaring ’

hindi

’, at minsan ay ’

hintay

’. Pero ang mahalaga po ay hindi Siya nawawala. Kasama Niya tayo sa paghihintay.“

Habang nakikinig ako, ramdam ko ang bigat ng bawat tanong. Hindi ito tulad ng recitation sa klase kung saan tama o mali lang ang sagot. Buhay ang nakataya rito. At si Nathanael, kahit kabado, matatag ang bawat tugon niya. Naiisip ko, kaya ko rin ba sagutin ang ganitong mga tanong kung ako ang nasa gitna?

Isa pang lalaki ang nagtanong, mukhang galing sa bukid, halatang pagod. “Anak, sabi mo hindi kailangan ng bisyo para makahanap ng lakas. Pero paano kung doon na nakasanayan ng tao? Madali bang talikuran?”

Huminga nang malalim si Nathanael bago sumagot. “Hindi po madali. Pero posible, kung may pananampalataya. Hindi natin kayang magbago sa sariling lakas. Pero kung lalapit tayo kay Kristo araw-araw, unti-unting mawawala ang mga bagay na sumisira sa atin. Hindi po ito overnight, pero may pag-asa.” Naroon ang katahimikan, tila lahat ay nag-iisip.

Sa bawat tanong at sagot, mas nararamdaman kong totoo ang mission namin dito. Hindi ito simpleng aktibidad ng eskwela. Totoong tao, totoong problema, totoong pananampalataya. At ako? Hindi ko alam kung handa akong humarap sa ganoong klase ng realidad.

KABANATA XIV

Habang nagpapatuloy ang diskusyon, biglang may tumayo mula sa gilid. Isang ginang, nasa mga singkwenta siguro, payat, may bakas ng hirap sa mukha pero matalim ang mga mata. Diretso siyang tumingin sa akin, hindi kay Nathanael.

“Ikaw,” sabi niya, tinuturo ako. “Ikaw ba ang Kael na sinasabi nila? Yung estudyante raw na laging matapang magsalita sa klase tungkol sa mga isyu? Paumanhin sapagkat ito’y akin lamang narinig mula sa isa sa pastor na kasama ninyo. Ako’y nagugulumihanan lamang sapagkat isa ka kamo sa nag-aaral ukol sa mga salita ng diyos. “ Parang umalingawngaw ang boses niya sa maliit na venue. Narinig ko ang ilang bulungan mula sa iba. Napatingin sa akin si Nathanael at Levi, halatang nagulat din.

“Ah…” Napalunok ako. Hindi ko alam kung paano sisimulan. “Opo, ako po iyon.” Umiling siya, hindi galit pero puno ng kuryosidad.

“Kung ganyan ka katapang magsalita, gusto kong marinig mula sa’yo. Ano ang ibig sabihin para sa’yo ng tunay na pananampalataya? Kasi sabi nila, malakas daw loob mo, pero hindi ba’t minsan, ang lakas ng loob ay nagiging pagsuway?” Ramdam ko ang pagtibok ng puso ko. Hindi ito tanong na basta masasagot ng isang lecture. Para itong hamon, direkta sa pagkatao ko. Tahimik akong huminga, saka nagsalita, bagama’t ramdam ko ang panginginig ng boses ko.

“Para po sa akin, ang pananampalataya ay hindi lang basta pagsunod. Oo, mahalaga ang pagsunod, pero kung walang pag-ibig, wala ring saysay. Kasi paano kung sumunod ka lang dahil takot ka, hindi dahil mahal mo ang Diyos? Para sa akin po, ang tunay na pananampalataya ay ang magtiwala sa Diyos, kahit hindi mo maintindihan lahat. At sa pagtitiwalang iyon, natututo kang magmahal sa Diyos at sa kapwa.” Tahimik ang lahat. Wala ni isang kumibo. Para bang pinakikinggan nila hindi lang ang salita ko, kundi kung totoo ba ako sa sinasabi ko.

Nakatingin pa rin sa akin ang ginang. Sa huli, marahan siyang tumango. “Hmph. Hindi madali ang sagot mo, anak. Pero naramdaman kong galing iyan sa puso. Sana nga, magpatuloy ka sa lakas na yan.” Nakabuntong-hininga ako, halos hindi ko namalayan na pinipigil ko pala ang hininga ko buong oras ng pagsagot. Sa gilid, nakita ko si Nathanael na seryosong nakatitig sa akin parang sinusuri kung saan nanggaling ang lakas ng loob kong iyon. At sa loob-loob ko ay hindi ko rin alam.

Tahimik ang lahat. Ramdam ko pa rin ang bigat ng mga salitang lumabas sa bibig ko. Sa gilid ng mata ko, napansin kong nakatingin sa akin si Nathanael hindi galit, pero matalim, parang sinusuri ang bawat letra ng sinabi ko.

Kumahol ang isang aso sa di kalayuan, saka muling lumalim ang katahimikan. Hanggang sa marinig ko na ang boses niya.

“Maganda ang sinabi mo, Kael,” panimula niya, mahinahon pero diretso. “Totoo, pananampalataya ang bumabalot sa atin sa oras ng pangangailangan. Pero,” Huminto siya sandali, tumitig sa mga tao, tapos muling bumaling sa akin. “Pananampalataya rin ang nagtuturo kung alin ang kalooban ng Diyos at alin ang hindi. Hindi ba’t iyon ang pinakamahalaga na matutunan nating isuko ang sarili nating pag-unawa at sumunod sa Kanyang salita?” May marahang bulungan mula sa mga nakikinig. Hindi ito lantaran na pagtutol sa sinabi ko, pero ramdam kong challenge iyon para sa akin. banayad na pagtulak pabalik sa linya ng tradisyonal na doktrina.

Humigpit ang hawak ko sa ballpen. Huminga ako nang malalim. “Tama ka, Nathanael,” sagot ko, pinilit na panatilihin ang tono ko na kalmado. “Pero paano kung minsan, ang mismong salita ng Diyos ay binibigyang-kahulugan ng iba para lamang ikahon ang kapwa nila? Hindi ba’t may panganib din doon? Na baka sa sobrang diin natin sa pagsuko, nakakalimutan nating may Diyos na mas malawak kaysa sa lahat ng kahon?” Mas lalong tumahimik ang paligid. Kita kong kumurap si Nathanael, parang napipilitang hanapin ang susunod niyang tugon. Hindi siya mukhang galit, pero ramdam ko ang tensyon sa pagitan naming dalawa.

Bago pa siya makasagot muli, biglang nagtaas ng kamay si isang lalaki mula sa likod isa sa mga nakatatanda sa baryo. “Pwede ba akong magtanong?” sabi niya, medyo paos ang tinig. “Kung halimbawa, may bagay akong hindi maintindihan sa Bibliya halimbawa, yung mga nakasulat sa Lumang Tipan na parang ang hirap tanggapin ngayon ibig sabihin ba’y wala na akong pananampalataya?” Para bang nailigtas niya kami mula sa direktang banggaan, pero alam kong hindi matatapos doon ang tensyon.

Sandaling natahimik si Nathanael. Kita sa mukha niya na maingat ang pagpili ng mga salita. Nakatingin siya sa matanda, pero ramdam ko ako pa rin ang tunay na kausap niya.

“Hindi po nawawala ang pananampalataya ninyo,” sagot niya, magalang pero matatag. “Pero tandaan natin na may dahilan kung bakit isinulat ang Lumang Tipan. Bahagi iyon ng kwento ng bayan ng Diyos, ng kanilang pakikibaka, ng kanilang pagsunod at pagkakamali. At kahit mahirap tanggapin minsan, ang mga batas na iyon ay nagtuturo sa atin ng isang prinsipyo na banal ang Diyos at nais Niya tayong maging banal din.”

Tumango-tango ang ilan sa mga nakikinig. May mga nagbubulungan, tila natutuwa sa lalim ng paliwanag niya.

Nagpatuloy siya. “Kaya kung may mga talatang parang mahirap sa atin ngayon, hindi ibig sabihin ay mali na agad. Baka kailangan lang natin tingnan ito mula sa pananaw ng Diyos, hindi ng tao. Kasi kung tayo ang magdedesisyon kung alin ang susundin at alin ang hindi, baka sa huli, tayo na ang nagiging sentro hindi na siya.”

Ramdam ko ang mga matang lumingon sa akin pagkatapos niyang magsalita. Hindi niya ako tinukoy, pero malinaw sa lahat na may tinatamaan siya. Pinilit kong ngumiti, parang sang-ayon lang ako. Pero sa loob-loob ko, bumibigat ang dibdib ko. Kasi totoo, may punto siya. Paano kung tama siya at ako ang mali?

Bumalik ang boses ng matanda, halos parang sinundan ang iniisip ko. “Kung ganon… ibig sabihin ba, kahit hindi ko maintindihan ang lahat, dapat magtiwala lang ako na tama ang Diyos?” Ngumiti si Nathanael at tumango.

“Oo po. Yun ang pananampalataya hindi ang laging maintindihan, kundi ang patuloy na magtiwala.” Nagpalakpakan ang ilan. May mga mata pang kumislap na tila nakahanap ng ginhawa sa sagot niya.

Ako? Napalunok lang ako. Kasi ang dami kong gustong sabihin, ang dami kong gustong ipagtanggol, pero para bang ang bawat salita ni Nathanael ay nagpapaalala sa akin na baka ako lang ang nagpipilit lumaban.

Pagkatapos ng palakpakan, sumandal si Levi sa upuan niya at tinaas ang kamay. Nakangiti siya pero halata ring seryoso ang tono.

“Kuya Nathanael,” sabi niya, “kung ganon po, paano naman kung may mga kabataan na nalilito kasi iba-iba ang naririnig nila? May nagtuturo na ganito, may nagsasabing mali naman iyon. Paano sila hindi mawawala sa landas?” Napatingin siya saglit sa akin bago ibinalik ang tingin kay Nathanael. Para bang sinasabi niya na k asama ka na rito, Kael.

Nag-angat ng kilay ang ilan, halatang interesado. Mahalaga kasi ang tanong at ramdam ko, may kurot din iyon sa akin.

Napatingin si Nathanael kay Levi, saka tumango. “Magandang tanong iyon kapatid na Levi,” aniya. “Sa panahon ngayon, maraming boses ang maririnig natin. Pero sabi sa

Juan 10:27, ‘Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking kilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.’

Kung gusto nating hindi maligaw, dapat kilalanin natin ang tinig ni Cristo. Paano? Sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang salita at pananalangin.“

Tumango-tango ang ilan sa mga nakikinig. Ngunit bago pa niya maituloy, narinig kong nagsalita si Levi muli.

“Eh kuya, paano naman kung ang mismong lider nila o yung nakikita nilang matapang na nagsasalita, minsan din ay nagkakamali? Paano kung doon sila nakatingin?” Biglang bumigat ang hangin. Marahang bumaling ang mga mata ng ilan sa akin. Para bang kusa, hindi sinasadya, pero ramdam ko iyon.

Parang may malamig na dumaloy sa dibdib ko. Pinipigilan kong ipakita, pero ang totoo, para akong kinukwestyon. Bago pa man ako makapagsalita, ngumiti si Nathanael at sumalo sa tanong.

“Maganda iyan, kapatid. Walang lider na perpekto. Kahit kami, kahit si Kael, nagkakamali rin. Kaya ang paningin ng tao dapat laging nakatuon kay Cristo, hindi sa tao. Ang mga lingkod ay patnubay lang, ang Diyos pa rin ang tunay na sandigan.” Natahimik ako. Gusto kong magsalita, magpaliwanag… pero nanatili lang akong nakikinig, sinusubukang huwag ipahalata ang bigat ng mga mata ng mga tao na ilang sandali ring nakatuon sa akin.

KABANATA XV

Huminga ako nang malalim, saka dahan-dahang nagtaas ng kamay. “Pwede ba akong magsingit ng kaunti?” tanong ko, at halos sabay-sabay silang tumingin sa akin. “Alam niyo po ba,” nagsimula ako, pilit na pinapakalma ang sarili ko, “Hindi rin madali para sa akin na tumayo sa harap ninyo. Maraming beses kong tinanong ang sarili ko kung karapat-dapat ba ako. Ang dami kong pagkukulang, ang dami kong iniisip na baka makasira sa imahe ko bilang lingkod.” Tahimik ang lahat. Ramdam ko ang init ng tingin nila, pero ipinagpatuloy ko pa rin.

“Pero sa tuwing bumabalik ako sa Salita ng Diyos, paulit-ulit akong pinaaalalahanan na hindi ako ang sentro. Hindi ako ang bida. Tao lang ako na ginagamit Niya. At kung may makikita kayong mali sa akin, sana ay hindi iyon maging dahilan para talikuran niyo ang Diyos. Kasi Siya lang ang tunay na matibay, hindi ako.”

May ilang tumango, may ilan ding nakangiti. Si Levi, nakatingin lang pero halatang nag-iisip. Si Nathanael naman ay seryosong nakikinig, at naramdaman kong parang nakahinga rin siya ng mas magaan.

“Ang mahalaga,” dagdag ko pa, “ay sama-sama tayong matutong sumunod sa Kanya, kahit mahirap, kahit minsan parang taliwas sa kung ano ang gusto natin. Kasi sa huli, Siya lang ang makakapagligtas, hindi tao.”

Pagkatapos non, saglit na katahimikan ang bumalot sa buong lugar. Pero hindi na iyon mabigat na katahimikan parang may gumaan, parang may lumuwag.

Pagkatapos ng huling tanong at ng maikling pag-uusap, nagpasalamat si Nathanael sa lahat. Isa-isa ring lumapit ang mga tao para makipagkamay, at iba pa nga ay nagpasalamat kay Lois dahil sa health lecture niya. Ramdam ko ang init ng mga ngiti nila, pero sa kaloob-looban ko, parang may kirot pa rin na naiwan iyung bigat ng tanong kanina na diretsong tumama sa akin.

Habang naglalakad kami pabalik sa quarters namin na panglahatan, halos tahimik ang lahat. Si Micah lang ang nagbiro tungkol sa pagkain.

“Grabe, parang mas nakakapagod pa magpaliwanag kesa mag-exam. Sana may extra ulam pagdating natin!”

Napatawa ang ilan, pero mabilis ding nanahimik muli. Pagdating sa quarters, kanya-kanyang ayos na kami. Si Levi agad na nahiga, nakatitig sa kisame na parang malalim ang iniisip. Si Nathanael naman, binuklat ang dala niyang Bible at nagbasa, hindi man lang tinitingnan kung may nakatingin sa kanya. Ako, dumiretso sa maliit na mesa kung saan nakapatong ang notebook ko. Binuksan ko iyon at nagsimulang magsulat.

Hunyo 10, 2019

Kanina, may tanong na tumama sa akin nang diretso kung paano ko masasabing tunay akong lingkod ng Diyos sa kabila ng mga bagay na kinukwestyon ng iba. Hindi ko alam kung sinadya iyon o talagang natural na lumabas sa kanya. Pero ramdam ko, totoo ang pagkuryosidad nila.

Ang totoo, hindi ko rin alam minsan ang sagot. Lagi kong tinatanong ang sarili ko: Naririto ba ako dahil gusto ko lang ipakita na kaya ko? O dahil tunay akong tinawag niya? Pero siguro, doon nga pumapasok ang biyaya. Hindi naman kasi kailanman naging tungkol sa akin. Hindi kailanman naging tungkol sa kung karapat-dapat ba ako. Lagi’t lagi, ang sagot ay siya. Siya ang nagsisimula. Siya ang gumagawa. Siya ang nagtatapos.

Kahit mahirap, kahit masakit marinig na may bumubusisi sa pagkatao ko, pinipili kong humawak sa kaniya. Sana, sa mga susunod na araw, lalo akong maging tapat sa paglilingkod hindi para sa tingin ng tao, kundi para sa Diyos lang.

Ibinaba ko ang ballpen at napatingin sa bintana. Tahimik ang labas, tanging hampas lang ng hangin sa mga puno ang naririnig. Sa loob ko, mas tahimik pero hindi bakante. Parang may maliit na liwanag na nagsimulang sumindi, at iyon ang pinanghahawakan ko.

Hindi pa man kami nakakahinga nang maayos sa quarters namin nang may biglang kumatok sa pinto. Pagbukas, bumungad si pastor Mel na kasama namin sa mission. Nakatitig siya sa amin, hindi galit pero mabigat ang tingin.

“Pwede bang makausap ko muna kayo?” tanong niya. Agad kaming nagsitayo, umupo muli sa mesa, at tahimik na naghihintay. Umupo rin siya, nakahalukipkip, bago nagsalita.

“Una sa lahat,” panimula niya, “Natutuwa ako dahil nakikita kong seryoso kayo sa ginagawa ninyo. Ang mga sinabi ninyo kanina sa mga tao ay totoo at may laman. Wala akong duda na pinag-isipan ninyo iyon.”

Sandaling katahimikan. Ramdam ko ang susunod na sasabihin niya, kaya para akong kinikilabutan.

“Pero,” dagdag niya, “Hindi lahat ng tama ay kailangang ilatag nang ganoon sa publiko. Naiintindihan kong iba-iba kayo ng pananaw. Ngunit kapag nagbabanggaan ang ideya sa harap ng mga tagapakinig, lalo na’t sila ay nagsisimula pa lang makilala ang Diyos, baka malito sila. Baka isipin nila na hindi totoo ang sinasabi ninyo dahil magkaiba kayo ng paninindigan.”

Napayuko ako. Ramdam kong dumaan ang tingin niya sa amin ni Nathanael. Hindi niya kami pinangalanan, pero alam kong kami ang tinutukoy.

“Mga kapatid,” wika pa niya, “Hindi masama ang pagtatanong, at hindi masama ang pagiging matatag sa paniniwala. Pero dapat din nating isipin kung paano ito tatanggapin ng iba. Tandaan, hindi tayo narito para ipakita kung sino ang mas tama. Narito tayo para ipakilala ang Isa na laging tama.” Tahimik ang buong grupo. Si Levi napatingin lang sa akin, parang sinasabi ng mata niya na huwag kong damdamin. Si Nathanael naman, nakaupo nang tuwid, hindi nagsasalita, pero alam kong iniisip din niya ang lahat ng iyon.

Pagkatapos ng ilang sandali, tumayo ang pastor. “Magpahinga na kayo. Mahaba pa ang bukas. At sana, maging isa kayo sa harap ng mga taong nais nating abutin.” Iniwan niya kaming tahimik. Walang nagsalita agad, pero ramdam ko ang bigat ng bawat isa. Parang lahat kami, kahit hindi sangkot, nadala ng pangaral niya.

“Good night mga kapatid, magkita-kita na lang tayo bukas dito.” pambabasag ni Micah sa katahimikan ng gabi. Nagsitayo na rin ang iba at nagpaalam dahil pagod na rin at inaantok na. Pero ako ay hindi man lang makaramdam ng pagod at antok.

Hindi ko alam kung anong mas mabigat, iyung pagtatalo namin kanina ni Nathanael sa harap ng mga tao, o yung sinabi ng pastor ngayong gabi.

“Tama kayo, pero hindi lahat ng tama kailangang ilatag nang ganoon.”

Paulit-ulit na umaalingawngaw iyon sa isip ko. Totoo naman eh. Hindi ko rin gustong lumabas na para bang nagpapagalingan kami. Pero paano kung yung punto ko ay hindi ko sinabi? Paano kung may nakinig na matanda o bata na kailangan marinig mismo iyon, pero pinili kong manahimik? Bakit ganoon? Kapag nag-speak up ka, mali. Kapag nanahimik ka, kulang. Laging may kapalit.

Siguro totoo ang sinabi ni pastor Mel na hindi kami narito para ipakita kung sino ang mas tama. Pero paano kung ang mismong nararamdaman ko ay laging nakukwestyon? Parang lagi kong kailangang patunayan ang sarili ko, hindi lang kay Nathanael, kundi sa lahat.

Lord, hindi ko alam kung bakit dito Mo ako dinala. Bakit sa mission na ito, kasama ang mga taong parang salamin ng lahat ng doubts ko. Pero kung totoo ngang hindi ako nag-iisa, gaya ng paulit-ulit kong binabasa sa Salita Mo, sana iparamdam Mo sa akin iyon ngayon. Kasi pakiramdam ko, kahit surrounded ako ng kapwa ko, ako pa rin ang pinaka-mag-isa.

At kung totoo man na hindi tungkol sa pagiging mas tama, turuan Mo akong makita na sapat na Ikaw ang tama.

KABANATA XVI

Pagkatapos ng maikling meeting, nagsiuwian na kami sa quarters namin. Tahimik ang lahat, parang may bigat pa rin sa hangin kahit na natapos na ang usapan. Pagdating ko sa silid, umupo lang ako sa gilid ng kama. Inilabas ko ang notebook ko, pero hindi ko magawang magsulat. Parang napapagod na rin ang isip ko.

Maya-maya, narinig ko ang mahinang paglapat ng paa papunta sa gawi ko. Nakita ko si Levi na papalapit sa akin. Nasa kanya pa rin ang ngiti niya, pero halatang may pag-aalala sa likod ng mga mata niya.

Napatingun naman ako sa dalawa pa naming kasama na sina Rommel at Zion naman ay abala sa ginagawa nila. Hindi nila alintana ang pag-uusap namin ni Levi.

“Pwedee ba kitang makausap?” tanong niya. Tumango lang ako. Umupo siya sa kabilang kama, hawak ang kanyang maliit na Biblia na laging nasa bag niya.

“Alam mo, Kael,” panimula niya, “hindi naman masama ang sinabi mo kanina. Hindi rin mali si Nathanael. Pero naiintindihan ko kung bakit parang bigat na bigat ka ngayon.” Napayuko ako, pilit na tinatago ang kaba.

“Parang kahit anong gawin ko, may mali pa rin. Kahit yung mga salitang galing sa puso ko, pwedeng maging dahilan para kwestyunin ako.”

Umiling si Levi, at bahagyang natawa nang mahina. “Kael, huwag mong kalimutan hindi tayo narito para sa sarili nating kredibilidad. Narito tayo kasi may mas malaking dahilan. Kung may hindi sila naintindihan, okay lang. Basta ang Diyos ang nakakaintindi.”

Napatingin ako sa kanya. Sa tono niya, hindi iyon sermon. Hindi pangaral. Para lang siyang kaibigan na nakakaintindi.

“Pero paano kung pati mga kasama ko hindi rin ako maintindihan?” mahina kong tanong. Saglit siyang natahimik, saka dahan-dahang nagsalita.

“Eh di mas lalo mong ipakita na may puwang ang biyaya. Kael, minsan hindi natin kailangang laging magpaliwanag. Kailangan lang nating maging totoo, kahit hindi lahat makakita agad. Hindi ba sabi nga sa

Colosas 3:23: ‘Anuman ang inyong ginagawa ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao.’“

Napahinga ako nang malalim. Para bang unti-unting gumaan ang loob ko kahit kaunti.

“Salamat, Levi,” bulong ko. “Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng lakas kung wala kang ganyang salita.”

Ngumiti siya at ginulo ang buhok ko.

“Basta tandaan mo, Kael na kahit na iba-iba tayo ng pananaw, isa lang ang Diyos na pinaglilingkuran natin. Huwag mong kalimutan iyon.”

Iniwan niya akong mag-isa, pero sa pagkakataong iyon, hindi na ganoon kabigat ang pakiramdam ko.

Pagkalipas ng ilang sandali, tahimik na ang silid. Ang kasama ko ay nagpapahinga na, maging si Levi, pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Kaya lumabas ako, naglakad-lakad sa labas. Ang paligid ay tahimik, tanging kuliglig at mahihinang hampas ng hangin sa puno ng niyog ang maririnig. Hindi ko inaasahan, pero naroon si Nathanael, nakaupo sa isang bangkong gawa sa kahoy malapit sa ilaw ng poste. Nakatungo siya, hawak ang maliit niyang Biblia.

“Kael,” tawag niya nang mapansin ako. Hindi iyon malamig. Hindi rin matalim. Para lang siyang naghihintay. Tumango ako at lumapit, umupo sa kabilang dulo ng bangko. Ilang segundo kaming parehong tahimik.

“Pasensya na kanina,” bigla niyang sambit. “Hindi ko sinasadya na parang kinontra kita sa harap ng lahat. Hindi iyon para ipahiya ka.” Napatingin ako sa kanya. Ang tono niya, seryoso at mababa. Hindi ko inaasahan.

“Wala ’yon,” sagot ko. “Alam ko namang ginagawa mo lang yung tingin mong tama.” Umiling siya, marahang pinapadyakan ang lupa gamit ang tsinelas niya. “Alam mo, Kael, minsan naiisip ko na baka masyado akong nakatuon sa kung ano ang tama at mali, pero nakakalimutan ko yung puso ng mga taong kinakausap ko. Kanina, nung nagsalita ka, ramdam kong galing talaga sa puso mo. At kahit hindi ko lahat lubos na nauunawaan, nakita ko na sincere ka.” Natigilan ako. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o mas lalo lang mabibigatan.

“Pero Nath,” mahinang tawag ko sa kanya, “Hindi mo rin alam kung gaano kabigat yung binibitbit ko. Kasi sa tuwing bumabanggit ka ng kasalanan, minsan pakiramdam ko ako yung mismong tinutukoy mo.” Nanahimik siya. Kita kong napapikit siya saglit, parang tinatablan din ng bigat ng sinabi ko.

“Hindi ko alam lahat ng pinagdadaanan mo, Kael,” sagot niya sa huli. “Pero isang bagay ang sigurado ako. Hindi ka kaaway. Hindi rin ikaw ang kasalanan. Kael, kaibigan kita. At kahit ano pa man, hindi ko hahayaan na isipin mong mag-isa ka sa laban mo.” Parang may kumurot sa dibdib ko. Ramdam ko ang bigat at gaan na sabay na sumabay sa bawat salita niya.

“Salamat,” mahina kong sagot. Pareho kaming tumahimik muli, pero sa pagkakataong iyon, hindi na awkward ang katahimikan. Para bang sa wakas, nagkaroon ng espasyo para marinig ang bawat isa, hindi lang ang sariling paniniwala.

Kinabukasan, maaga kaming nagising. Hindi pa man sumisikat nang husto ang araw, abala na sina Lisa at Gia sa pag-aayos ng mesa para sa simpleng almusal tinapay, kape, at kaunting prutas na binigay ng isang residente kahapon bilang pasasalamat.

“Good morning, sleepyhead,” bati ni Micah nang makita akong palabas ng kwarto, dala-dala ang aking maliit na notebook at ballpen. “Akala ko magpapa-late ka na naman.” Umupo ako sa mesa, ngumiti ng pilit.

“Hindi, kailangan ko ng lakas ngayon. Baka mas mabigat yung schedule.”

Tama nga siya. Pagkatapos ng almusal, tinawag kami ni pastor Mel na nag-aasikaso sa mission. Nakapalibot kami sa isang maliit na sala, habang hawak niya ang listahan ng activities para ngayong araw.

“Mga kapatid,” panimula niya, “salamat sa dedikasyon ninyo kahapon. Ngayon naman, mas puno ang araw natin. May tatlong bahagi. Sa umaga, bibisita tayo sa ilang pamilya para sa personal na Bible sharing. Hapon, storytelling para sa mga bata ulit. At sa gabi, magkakaroon ng mas pinalawak na adult session health talk at Bible lecture na siyang pinaka main point ng ating mission.”
Nagtinginan kaming lahat. Kita ko ang pagod na naka-ukit sa mukha ng ilan, pero may saya rin.

“Kael, Micah at si Nathanael ang magsasama sa unang family visit. Levi, Rommel, David, at si Lois sa kabilang bahay. Zion, Gia,  at Ruth sa akin.”

Parang kumabog ang dibdib ko. Muli kaming magsasama ni Nathanael. Isang pamilya ang kakausapin namin. Walang ibang makakarinig kundi sila at kami.

Habang nag-aayos kami ng gamit. Biblia, ilang polyeto, at maliit na notebook ang dala namin. napansin kong lumapit si Levi sa akin.

“Kael,” mahinang sabi niya, “relax ka lang ha? Hindi ito contest. Hindi rin debate. Basta isipin mo lang, may mga taong kailangan marinig ang Salita, at ikaw lang ang channel.” Tumango ako. Pero sa loob-loob ko, hindi iyon ang problema. Ang tunay na kinatatakutan ko: Paano kung lumabas sa mga salita ko yung mga tanong na pilit kong ikinukubli?

At sa gilid ng mata ko, nakita ko si Nathanael, nakasabit ang bag at hawak ang Bibliya niya mukhang handa na. Tila ba mas determinado pa ngayon kaysa kahapon. At ako? Naramdaman kong muling nagsisimula ang bigat sa dibdib ko.

Pagdating namin sa bahay ng isang pamilya naroon ang isang nanay at dalawang anak. Nagtungo kami sa bakuran at nakangiting kumaway sa kanila na agad din nilang sinuklianbng banayad na ngiti.

“Magandang umaga po, kami po ay nagtatalaga ng isang bible story. Maaari po ba namin kayong mahingian ng kaunting oras po?” bungad na bati ni Micah. Masigla namang ngumiti ang ginang at malugod kaming pinapasok sa kaniyang bakuran.  Simple lang ang bahay ng ginang. Gawa ito sa kawayan at pawad.

“Kumust po kayo?” tanong ni Micah nang maupo kaming lahat.

“Kami ay nasa maayos naman, salamat sa diyos dahil kahit papaano ay hindi niya kami pinababayaan.” bukal na tugon naman ng ginang. Nakahahawa ang kaniyang ngiti. Makikita at mararamdaman mo sa kaniya ang kabutihang loob.

“Amen po, bago po iyon ay nais ko pong ipakilala sa inyo ang aking mga kasama.” tumingin ang ginang sa amin at tinunguhan ko naman siya nang magtama ang aming mga mata. “Siya po si Bro. Kael, at siya naman po si Bro. Nathanael at siya po ang magbibigay ng mensahe sa atin ngayong umaga. Bali kami po ay nagmula sa International School po sa Manila na itinalaga rito upang maghatid po ng mga tips para sa kalusugan at magbigay ng salita ng diyos.” dagdag pa nito at tinunguhan naman siya ng ginang. Iginiya ni Micah si Nathanael upang simulan na ang banal na leksyon.  hindi sermon ang agad na lumabas kay Nathanael. Sa halip, ngumiti siya, marahan, at naupo sa harap nila na parang matagal nang kakilala.

“Kamusta po kayo?” bungad niya. “Bago tayo magsimula, baka may mga gusto muna kayong ikwento o ipanalangin.” Nagulat ako. Kasi si Nathanael na kilala ko, laging diretso sa punto, laging naka-frame sa verse ang salita. Pero ngayong kaharap namin ang pamilyang ito, ibang tono ang ginamit niya. Ito ay banayad, mahinahon at puno ng paggalang.

Nakinig kami sa ginang na nagkuwento tungkol sa hirap ng pag-aani at sa anak na madalas magkasakit. Hindi siya nagmadali magbukas ng Biblia. Hinayaan niyang magsalita muna sila, hinayaan niyang maramdaman namin ang bigat ng sitwasyon nila. At nang magsalita na siya, simple lang at tila pinag-isipan niy.

“Sabi sa Awit 34:18, ‘Ang Panginoon ay malapit sa mga may pusong wasak, at inililigtas ang mga may espiritung durog.’ Hindi kayo nag-iisa.”

Hindi ko alam kung bakit, pero sa mga sandaling iyon, ako mismo ang parang tinamaan. Kasi iyon mismo ang hinahanap-hanap kong assurance yung hindi mo kailangang magpaliwanag, kundi tatanggapin ka lang.

Nagpatuloy ang usapan, at napansin kong dahan-dahan nang lumalapit sa akin si Nathanael, hindi para makipagdebate, kundi para samahan ako. Sa bawat tanong ng pamilya, sinusuportahan niya ang sagot ko, dinadagdagan niya ng mahinahong paliwanag, at sa bawat tingin ko sa kanya, ramdam ko na hindi ako nag-iisa.

Pag-alis namin, habang naglalakad pabalik, siya ang unang nagsalita.

“Kael, alam mo ba na hindi lahat tungkol sa tama o mali agad. Minsan, ang kailangan lang ng tao ay marinig na hindi sila nag-iisa.” Parang sumikip ang dibdib ko. Kasi hindi lang sila ang tinutukoy niya kundi ako rin. At doon nagsimulang mabuo ang puwang na matagal ko nang itinatago.

Hunyo 12, 2019

Hindi ko alam kung paano sisimulan ang into. Ang daming nangyari ngayong araw, pero isa lang talaga ang hindi mawala sa isip ko yung mga sinabi ni Nathanael.

“Kung tinawag ka ng Diyos para dito, walang makakapagpabago nun.”

Parang simple lamang ito, ngunit ramdam ko hanggang kaluluwa. Ilang beses ko nang tinanong ang sarili ko kung nararapat ba akong maglingkod, lalo na sa kabila ng mga bagay na hindi ko maipaliwanag tungkol sa sarili ko. Lagi kong iniisip, baka isang araw, matuklasan nila at wala nang maniwala sa akin. Pero ngayong gabi, ibang pakiramdam. Parang may bahagyang liwanag na pumasok sa dilim ng isip ko. Baka hindi ko kailangan patunayan ang lahat. Baka sapat na na maging tapat sa Kanya. Baka sapat na na makita Niya kung ano ang nasa puso ko.

Hindi pa tapos ang laban. Hindi pa malinaw lahat ng sagot. Pero ngayong gabi, nararamdaman ko hindi ako nag-iisa.

KABANATA XVII

Maaga pa lang ay abala na kami sa paghahanda. Para bang naging natural na ang routine namin tuwing sasaoit ang umaga. Gigising, devotion, breakfast, tapos hati-hating grupo para sa house visitation.

Sa apat na araw na pananatili namin dito sa Mauban, unti-unti ko nang nakikilala hindi lang ang mga taong binibisita namin, kundi pati ang sarili ko.

Magkakasama kami nina Nathanael at Levi ngayong araw. Habang naglalakad sa makipot na daan, nagkukwento si Levi tungkol sa mga nakilala niya noong mga nakaraan. Ngayon lang din kasi namin nakasama si Levi sa house visitation dahil sa ibang grupo muna pumunta si Micah.

“Alam n’yo, iba talaga ’yung pakiramdam kapag nakikita mong interesado sila. Parang kahit maliit lang ang binibigay mong oras, nagiging tulay iyon para makilala nila ang Diyos.” Kwento nito, nakatingin naman ako sa kaniya at tumatango bilang pagsang-ayon. Habang Tahimik lang si Nathanael, pero ramdam ko ’yung bigat at lalim ng bawat titig niya sa paligid. Para bang bawat taong nadadaanan namin ay isang kaluluwang pinagninilayan niya.

Pagdating namin sa isang bahay na yari sa kawayan, sinalubong kami ng isang ginang. Bitbit niya ang kanyang sanggol.

“Magandang umaga po,” bati ni Levi na parang laging may ngiti. “Kami po ay mga estudyante mula sa International School sa Manila, kami po ay nandito para magbahagi ng kaunting aral mula sa Biblia.” Tinanggap naman kami ng babae. Umupo kami sa harap ng kanilang maliit na mesa, at si Nathanael ang nagsimulang magbahagi ng ilang talata. Habang nagsasalita siya, ako naman ang nagbasa ng ilang bahagi ng Kasulatan, at si Levi ang nagdagdag ng mga simpleng halimbawa para mas madaling maunawaan.

Nang matapos kami, nagpasalamat ang babae at halos hindi mabitawan ang kamay.

“Salamat sa inyo. Bihira kaming magkaroon ng ganitong pagkakataon.” Sambit ng ginang at saka yumakap pa sa amin.

Sa house visiting, nakilala namin ang ilang pamilya na dati pa raw nakarinig ng mga ganitong gawain, pero ngayon lang ulit may bumisita sa kanilang lugar. Mahaba ang mga usapan, may mga tanong, may mga hinaing. At sa bawat tahanan, mas nararamdaman ko ang bigat ng responsibilidad. Hindi lang basta salita ang dala namin, kundi pag-asa rin.

Nakaayos na ang maliit na tarangkahan ng kapilya. Doon sa loob, nakalatag ang ilang banig na inihanda ng mga taga-barangay. Dumating ang mga bata, may ilan pang nahihiya, nakasilip lang sa pinto, pero dahil sa masiglang pag-aanyaya ni Micah, unti-unti silang pumasok. Bago magsimula, ako muna ang inatasan na manguna sa panalangin.

“Panginoon,” bulong ko habang nakayuko ang mga bata, “salamat po sa pagkakataong ito na makapagbahagi kami ng kwento mula sa Inyong salita. Nawa’y maging bukas ang puso ng bawat bata rito at maging gabay Ninyo kami sa pagtuturo. Amen.”

“Ang lesson natin ngayon,” masayang anunsyo ni Lois habang hawak ang makulay na kartolina, “ay tungkol kay David at Goliath.” Nagliwanag ang mukha ng mga bata. Para bang alam nila ang kwento, pero gusto pa rin nilang marinig muli. Gumamit si Lois ng mga cut-outs at simpleng drawing si David na maliit na batang pastol at si Goliath na dambuhalang sundalo.

“Alam niyo ba,” dagdag niya, “kahit maliit si David, nagtiwala siya sa Diyos kaya natalo niya ang higanteng si Goliath. Ang Diyos, hindi tinitingnan ang laki ng ating katawan, kundi ang tapang ng ating puso at ang tiwala natin sa Kanya.” Nagtaas ng kamay ang isang batang lalaki.

“Ate, kung maliit ako, kaya ko rin ba maging matapang?” Napangiti ako. Halos sumabog ang puso ko sa simpleng tanong na iyon.

“Oo naman, “ sagot ni Lois. “Kahit gaano ka kaliit, basta kasama mo ang Diyos, kaya mong humarap sa kahit anong higante sa buhay. Kaya dahil jan, may ituturo kaming kanta sa inyo. Ito ay ang Bata Man.” Masiglang sambit ni Lois at nagsihiyawan naman ang mga bata na tila excited sa kantang ituturo sa kanila ni Lois.

Doon ko nakita ang mga bata, nakatitig, nakangiti, at unti-unting lumalapit. Nawala ang hiya. Nagkaroon pa kami ng simpleng laro tungkol sa paghagis ng maliit na bato na gawa sa papel bilang simbolo ng tapang ni David. Masaya. Matahimik pero may laman.

Pagsapit ng gabi, mas seryoso ang atmosphere. Isang malaking lampara lang ang nagbibigay liwanag sa paligid. Nagsimula si Lois para sa leksyong pangkalusugan.

“Magandang gabi po,” bungad niya. “Ngayong gabi, pag-uusapan natin ang tungkol sa tamang pagkain at kung paano ito nakatutulong sa ating kalusugan.” Simple pero malinaw. Gumamit siya ng halimbawa mula sa pang-araw-araw: gulay na madaling itanim, prutas na mura, iwas sa sobrang alat at mantika. May mga tanong agad ang ilan:

“Paano kung wala kaming pambili ng prutas?”

“May epekto ba ang kape sa katawan?” Matyaga niyang sinagot isa-isa. Kitang-kita ko ang interes ng mga tao, at lalo akong humanga kay Lois hindi lang siya magaling magsalita, kundi alam din niyang makinig.

Pagkatapos niya, lumapit si Nathanael para sa Bible study. Tahimik siyang nagbukas ng Biblia at ngumiti bago magsimula.

“Mga kapatid,” aniya, “ang ating pag-aaralan ngayong gabi ay mula sa

Mateo 6:33—‘Ngunit hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.’“

Napasinghap ako. Parang para rin sa amin iyon, sa aming mga misyonero. Habang nagtuturo si Nathanael, iba ang dating niya. Hindi siya malakas ang boses, pero bawat salita ay malinaw at malambot. Hanggang sa may isang matanda ang nagtanong, “Anak, paano kung matagal na akong nagkamali, pwede pa ba akong lumapit sa Diyos?” Hindi siya nag-atubili na sagutin iyon. Tumayo siya ng diretso at tinignan ang matanda.

“Pwede po, kahit kailan. Ang Diyos, hindi nagsasara ng pinto. Lagi Siyang naghihintay.” Parang may kumurot sa dibdib ko. Lihim akong napatingin sa kanya. Kung gaano siya kasigurado, ganoon din kalaki ang puwang na unti-unting nabubuo sa puso ko.

Ngayong gabi, pakiramdam ko’y iba ang bigat ng misyon. Hindi lang simpleng pagtuturo, kundi pakikipag-usap sa mga pusong naghahanap. Nakita ko kung paanong ang mga bata ay natutong magtiwala sa Diyos, at kung paanong ang mga matatanda ay nagtanong ng mga bagay na matagal na nilang kinikimkim.

Pero higit doon nakita ko si Nathanael sa ibang paraan. Hindi na lang siya ’yung seryosong kaklase na laging diretso ang sagot. Kanina, habang sumasagot siya sa tanong ng matanda, para siyang ilaw na hindi lang sa iba nagbigay liwanag, kundi pati sa akin.

At ngayon, habang nakahiga ako, tinatanong ko ang sarili ko.
Handa ba talaga akong magpatuloy sa paglilingkod? Kaya ko bang maging tapat sa Diyos kahit sino pa ako?

Siguro, gaya ni David, maliit man ako, mahina man ako, pero kung kasama ko Siya… baka kaya ko rin.

KABANATA XVIII

Tahimik na ang loob ng quarters ngunit hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Si Levi ay agad na nakatulog matapos ang mahabang araw, samantalang sina Rommel at Zion ay abala pa sa pag-aayos ng mga gamit nila para sa susunod na araw. Ako naman, nakahiga at nakatitig sa kisame, hawak ang journal ko, sinusubukang buuin ang mga salita para sa dami ng nangyari ngayong araw. Maya-maya ay napalingin ako sa pinto nang may kumatok duto. Dahan-dahan itong bumukas, at tumambad si Nathanael, nakayuko, parang nahihiya.

“Pasensya na,” mahina niyang sabi, “Gising ka pa ba?” tanong niya habang nakangiti. Ito na naman ang puso ko na nag-uunahan sa pagtalon nang makita ang kaniyang ngiti na umabot sa kaniyang mga mata.

“Oo,” sagot ko, agad kong isinara ang journal at bumaba. Iginiya niya ako papalabas at agad din siyang sumunod. “Bakit nga pala naligaw ka sa quarter namin?” Tanong ko nang maupo siya sa tabi ko. Pinipilit kong maging normal ang tono para hindi niya mahalata na nako-conscious ako sa kaniya. Umupo siya sa gilid ng pintuan, halatang nag-aalangan pa.

“Hindi kasi ako makatulog eh, bigla ka ring sumagi sa isip ko tapos may naalala lamg ako. Kanina… nung nagtanong si Mang Isko tungkol sa pagbabalik-loob sa Diyos, napansin kong parang natigilan ka. Okay ka lang ba?” Para akong natamaan. Kahit sa dami ng tao kanina, siya pa rin ang nakapansin.

“Hindi naman,” pilit kong sagot. “Siguro… napaisip lang ako. Ang dami kasing tanong na hindi ko rin alam kung masasagot ko.” Tumingin siya diretso sa akin, seryoso pero hindi mabigat.

“Hindi mo kailangang sagutin lahat, Kael. Ang mahalaga, kasama ka. At kahit hindi mo sabihin, nakikita ko na seryoso ka sa ginagawa mo.” Napatahimik ako. Parang biglang uminit ang paligid kahit malamig ang hangin sa labas. Hindi ako makatingin nang diretso, kaya ngumiti na lang ako ng tipid.

“Salamat, Nath,” bulong ko. Tumayo siya, handang umalis, pero saglit siyang tumigil bago lumingon ulit.

“Kael…” Mahinahon ang boses niya, parang alon na marahang humahampas. “Hindi mo kailangang mag-isa sa mga tanong mo. Kung gusto mo, pwede nating pag-usapan… kahit hindi tungkol sa Bible study. Basta ikaw, makikinig ako.” Para akong hindi makahinga. Simple lang ng sinabi niya, pero ramdam kong may bigat.

“O-oo… sige. Salamat talaga.” Ngumiti siya, ’yung tipid pero tunay.

“Good night.” Nakangiting aniya at naunang tumayo. Bago pa umalis ay ginulo pa ang buhok ko dahilan upang hindi agad ako makagalaw sa kinauupuan ko. Saka lang ako nakagalaw nang hindi ko na siya namataan sa harap ko dahil andoon na siya sa pinto ng kanilang quarter. At nang maisara niya ang pinto, napahiga ako ulit, pero hindi na ako mapakali. Sa lahat ng mga nangyari ngayong araw, iyon lang ang paulit-ulit na bumabalik sa isip ko iyung mga salita niya, at kung paano niya ako tinitingnan na parang totoo lahat ng kaya kong gawin. Ang kung paano siya ngumiti sa akin, ang paggulo niya sa aking buhok.

Maaga akong nagising bago pa tumunog ang bell para sa devotion. Mukhang hindi nga ata ako natulog dahil sa nangyari kagabi.

Tahimik pa ang paligid, maliban na lamang sa mga huni ng ibon at lagaslas ng hangin mula sa dagat na malapit na masarap pakinggan ngayong umaga. Bumangon ako, pero ramdam ko pa rin ang bigat ng katawan parang kinain ng pagod ang bawat buto ko. Hindi rin ako halos nakatulog kagabi kaya siguro ganito ang pakiramdam ko ngayon. Habang inaayos ko ang kumot, may narinig akong mahinang katok sa pinto. Binuksan ko iyon, at bumungad si Nathanael, nakasuot ng simpleng puting polo at may dalang maliit na thermos.

“Good morning,” bati niya, at sa tono ng boses niya, parang mas malamig pa kaysa sa simoy ng umaga. “Nagkape na kayo?” Napailing ako, pilit na pinupunasan ang antok sa mata.

“Hindi pa. Wala pa nga akong ganang bumangon.” Ngumiti siya ng bahagya, sabay iniabot sa akin ang thermos.

“Sige, sa’yo na muna ’to. Huwag mong ipilit na mag-ikot kung walang laman ang tiyan. Masama yon.”

Tinanggap ko iyon, at hindi ko napigilang mapatitig sa kanya. Simpleng bagay lang naman ang ginawa niya, pero bakit parang ang laking ginhawa? Para bang may biglang liwanag sa loob ng dibdib ko.

“Salamat,” mahina kong sagot, medyo nahihiya. Umupo siya saglit sa gilid ng hagdan, pinagmamasdan ang paligid.

“Napansin ko kahapon… parang ang bigat ng dala mo. Hindi ko alam kung dahil sa mission o dahil sa mga iniisip mo.” Tumigil siya, at saka tumingin diretso sa akin. “Pero gusto kong malaman mo na hindi mo kailangang mag-isa dito.” Para akong napatigil sa oras. Hindi ko alam kung anong isasagot, kaya naupo na lang ako sa tabi niya, hawak pa rin ang thermos ng kape.

“Hindi ako sanay na may nagsasabi niyan sa akin,” bulong ko.

Ngumiti siya, tipid pero totoo. “Sanayin mo na sarili mo. Kasi paulit-ulit kong sasabihin iyon.” At doon, kahit wala nang dagdag na salita, sapat na ang katahimikan naming dalawa. Yung simpleng presensya niya hindi mapanghusga, hindi mapilit parang siya na ang mismong panalangin na hindi ko akalaing masasagot.

Matapos ang health lecture at Bible study, nagsimula nang magligpit ang mga tao. May ilan pang nakikipagkamay, nagpapasalamat, at saka dahan-dahang nag-uwian dala ang kanilang mga librong ibinigay namin. Nasa labas ako ng venue, nakaupo sa isang mahabang bangko. Tahimik ang paligid maliban sa iilang kuliglig at hampas ng hangin sa mga puno. Habang tinititigan ko ang buwan, hindi ko mapigilang malunod sa mga iniisip ko.

“Pwede akong makiupo?” boses iyon na agad kong nakilala. Tumango lang ako, at umupo si Nathanael sa tabi ko. Hindi siya nagsalita agad. Pareho lang naming tinitigan ang langit, para bang parehong naghihintay na magsalita ang isa’t isa.

“Kanina,” basag niya sa katahimikan, “Habang nagtuturo ako, naisip ko… paano kaya kung isang araw, hindi na ako marinig ng mga tao dahil sa kung sino ako? O kung may matuklasan sila na hindi tugma sa inaasahan nila?”

Napatingin ako sa kanya, nagulat. Hindi ko inaasahan na siya ang unang magbubukas ng ganitong klaseng tanong.

“Bakit mo naisip ’yon?” tanong ko. Nagbuntong-hininga siya.

“Kasi lahat tayo ay may kahinaan. Lahat ay may mga bagay na ayaw ipakita. Pero kapag humarap tayo sa pulpito o sa klase, kailangan malinis ang tingin nila sa atin. Kung hindi, baka hindi na sila makinig.” Parang tinamaan ako nang direkta. Siya ang nagsabi, pero ako ang mas ramdam.

“Ganun din ang iniisip ko,” mahina kong sagot. “Minsan iniisip ko kung karapat-dapat ba akong maglingkod. Kasi paano kung may bagay sa akin na hindi nila matanggap? Paano kung mas makita nila ’yon kaysa sa mensahe na dala ko?” Tumahimik si Nathanael sandali, tapos tumingin sa akin. Hindi matalim, hindi rin mapanghusga. Para bang mata na nagsasabing, naiintindihan kita.

“Kael,” mahinahon niyang sabi, “hindi natin kontrolado kung anong iniisip ng tao. Pero ang tiyak ko na hindi kailanman tumitigil ang Diyos sa pagtawag sa atin. Kahit may takot, kahit may lihim, kahit may sugat. Ang mahalaga, handa tayong ialay yung sarili natin sa Kanya.” Napayuko ako. Para akong maiiyak, pero pinigilan ko. Hindi ko inaasahan na sa lahat ng tao, si Nathanael pa ang magsasalita ng mga salitang kailangan kong marinig.

“Salamat,” mahina kong sabi. Ngumiti siya, sabay turo sa langit.

“Kita mo yung buwan? Kahit hindi kasing liwanag ng araw, nagsisilbi pa rin siyang ilaw sa gabi. Ganun din tayo. Hindi kailangang perpekto para magbigay ng liwanag. Kahit may anino, ginagamit pa rin ng Diyos.” At doon, hindi ko na kinaya. Napangiti ako, kahit mabigat pa rin ang loob. Kasi sa unang pagkakataon, pakiramdam ko hindi ako nag-iisa sa laban na ’to.

KABANATA XIX

Madaling araw pa lang ay gising na kami. Ang simoy ng hangin sa Sitio Liwayway ay malamig, at sa labas ng bintana ng quarters namin ay kita ang unti-unting pagliliwanag ng langit. Tahimik ang paligid parang mismong kalikasan ang nagpapaalala na ibang araw ngayon. Sabado.

Pagdating namin sa maliit na simbahan ng baryo, nagsimula kami sa simpleng devotion. Ako ang pinakiusapan magbasa ng verse mula sa Awit 118:24 : “ Ito ang araw na ginawa ng Panginoon; tayo’y magalak at magalak dito.“

Nagdasal kami nang sabay-sabay, at pagkatapos, kanya-kanya na ng gawain. Sina Lois at Zion abala sa pag-aayos ng mga visual aids at mga simpleng props para sa health lecture at storytelling. Si Levi at Rommel naman, naglilinis ng paligid ng simbahan. Ako, nakatambay sa gilid, pinagmamasdan si Nathanael na abala sa pag-check ng kanyang notes para mamayang gabi. Tahimik siya, nakayuko, pero may kakaibang kapayapaan sa mukha niya.

“Ready ka na ba mamaya?” tanong ko nang di ko namalayang lumapit. Ngumiti siya nang banayad.

“Kailangan. Hindi lang para sa akin, kundi para sa Kanya.” At gaya ng dati, simple lang ang sagot niya, pero tinamaan agad ako.

Bago magsimula, ako ulit ang pinakiusap na manguna sa panalangin. Nakapikit ang mga bata at sabay-sabay naming inialay sa Diyos ang gawain.

“Lord, salamat po sa pagkakataon na makasama ang mga bata sa araw na ito. Nawa po’y maging malinaw sa kanila ang kwento na magtuturo ng pagmamahal Mo. Amen.” Ngumiti ako nang matapos, at nagsimula na ang storytelling.

“Mga bata,” panimula ko, “alam niyo ba ang kwento ni Daniel sa lions’ den?”

Nag-isip ang ibang mga bata, habang ang iba naman ay tagimik lang na nakikinig. Hanggang sa nagtaas ng kamay ang isa,

“Yung kinain siya ng leon?” Napatawa ako sa tanong ng bata, maging ang iba rin ay natawa.

“Hindi siya kinain, pero halos mangyari iyon.” Ginamit namin ang simpleng props na mula sa karton na ginupit na parang lion mask, at si Micah naman ang nagkunwaring hari. Pinapakita namin na kahit ipinagbawal ang pananalangin, hindi tumigil si Daniel.

“Alam niyo kung bakit? Kasi mas mahalaga sa kanya ang Diyos kaysa sa kahit anong utos ng tao,” sabi ko habang hawak ang improvised na Biblia. Tumango ang mga bata, at may isa pang nagtanong,

“Kuya, hindi po ba siya natakot?” kyuryosadong tanong ng batang lalaki.

“Natakot din siguro siya,” sagot ko, “Pero mas malaki ang tiwala niya kay Lord. Kaya kahit nasa loob siya ng lions den, pinrotektahan siya.”

Nagwakas ang kwento na may kantahan at memory verse mula sa Mateo 19:14:

“Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan; sapagkat sa mga tulad nila nauukol ang kaharian ng langit.”

Masaya ang mga bata, at bago sila umalis, napansin ko naman ang paglapit ni Zion at saka siya bumulong.

“Grabe, Kael, parang ikaw na ’yung teacher nila ah.” Napangiti ako, kahit ramdam ko ang init ng mga mata ni Nathanael na nakatingin mula sa gilid.

Sa pagkakataong ito ay ramdam ko na ang init sa aking loob. Dito ko na napagtanto na kaya ako narito ay para magbigay ng pag-asa sa mga inosenteng batang ito. Hindi ako narito para sa sarili, kundi ang tumulong sa mga batang naririto.

Puno ulit ang simbahan. Bago magsimula, Levi naman ang nanguna sa panalangin.

“Lord, salamat sa buhay na ipinagkaloob Mo. Nawa’y maging gabay sa amin ang aral ngayong gabi. Amen.” Unang tumayo si Lois. Bitbit niya ang isang basket ng iba’t ibang dahon at ugat mula mismo sa paligid.

“Magandang gabi po. Ako si Lois, at ngayong gabi, pag-uusapan natin ang mga natural remedies na matatagpuan dito sa probinsya.” habang hawak ni Lois ang basket ng mga dahon, ramdam ang pagiging natural niya sa pagtuturo. Hindi siya nagmamadali, hindi rin nakikipag-debate para bang kwento lang na puno ng kaalaman at malasakit.

“Mga nanay at tatay,” dagdag niya, “Ang mga halamang ito ay hindi kapalit ng pag-aalaga sa katawan. Kaya po, mahalaga pa rin ang sapat na tulog, pagkain nang tama, at higit sa lahat, ang paglapit sa Diyos sa tuwing may karamdaman. Dahil ang Diyos ang ating greatest doctor of all time.” matapos ibaba ang hawak ay nagtaas ng kamay ang isang babae mula sa ikalawang hanay.

“Ate Lois, pwede po ba kahit buntis ang uminom ng salabat?” Ngumiti si Lois at sinagot ang tanong.

“Pwede naman po, pero huwag masyadong marami. Lahat ng sobra, nakakasama. Ang mahalaga, may balance.” Nagkatinginan ang mga tao, halatang natuwa sa paraan ng kanyang pagpapaliwanag. Wala siyang tinatawag na lecture voice na parang kwento lang ng ate o atey-atehan sa kapitbahay.

“Paano naman po ’yung high blood?” singit naman ng isang matanda. Agad niyang inilabas ang dahon ng malunggay.

“Malunggay po. Isa sa pinakamabisang pampababa ng blood pressure, lalo na kung gagawing gulay araw-araw. Dahil ang malunggay po ay mayroong potassium na tumutulong sa pag-regulate ng blood pressure na katulad ng ginagawa ng saging. May antioxidants at isothiocyanates  din ito na nakakatulong sa pagpaparelaks ng mga ugat at sa pagbabawas ng pamamaga. Nakakatulong din ito sa pagpapababa ng cholesterol, na may kaugnayan din sa hypertension. Kaya ang malunggay ay libre na, masustansya pa.” Mahabang paliwanag ni Lois. Narinig ko namang  bumulong si Micah sa tabi ko,

“Grabe, parang health seminar na may cooking show pala ito.” Humagikgik siya at na natawa naman ako, pero ramdam ko rin ang respeto ko kay Lois. Hindi lang siya basta nagtuturo kundi nagbibigay rin siya ng pag-asa sa mga taong narito.

Pagkatapos ng halos tatlumpung minutong talakayan, napansin kong mas buhay ang mga mata ng mga tao. Hindi sila pagod makinig. Parang may liwanag na dumagdag sa kanila, na kahit simpleng dahon o ugat, puwede palang maging simbolo ng pag-aalaga ng Diyos.

“Sa huli po,” pagtatapos ni Lois, “Huwag nating kalimutan na ang katawan natin ay templo ng Diyos. Kaya’t alagaan natin ito, hindi lang para sa sarili, kundi para sa Kanya rin.” Nagpalakpakan ang mga tao. May ilan pang lumapit agad sa kanya, nagtatanong ng mas detalyado, parang sabik na sabik matuto.

At sa sandaling iyon, nakita ko kung paano naghahanda ang isang simpleng leksyon para sa mas malalim na pag-uusap. Kasi habang si Lois ay nagturo kung paano alagaan ang katawan, ramdam ko na si Nathanael naman ang magpapatuloy sa kung paano alagaan ang kaluluwa.

Pagkatapos ng lecture ni Lois, unti-unting nagkaroon ng maingay na usapan sa loob ng simbahan. Yung iba, nakatayo at nakapaligid sa kanya, nagtatanong ng mas personal na karamdaman. Yung mga nanay, panay ang kurot sa braso niya.

“Ang galing mo, iha. Dapat araw-araw may ganito!” sambit ng ginang na aliw na aliw kay Lois. Abala ang lahat sa pag-aayos para sa susunod na session. Samantalang ako naman ay nakaupo sa gilid, pinagmamasdan kung paano nagliliwanag ang mukha ng mga tao.

Parang simple lang ang itinuro, pero may bigat. May dating. May kabuluhan. Tumabi si Nathanael sa akin, mahina ang tinig.

“Kita mo, Kael? Bago mo turuan ang mga tao tungkol sa Diyos, kailangan mo munang iparamdam na may pakialam ka sa buhay nila.”

Napatingin ako sa kanya. Mahinahon, pero diretso ang mga mata niya. Parang hindi sermon, kundi paalala lang na galing sa puso.

“Hindi lahat handang makinig sa salita,” dugtong niya , “Pero lahat gustong makaramdam ng malasakit.”

Hindi ko alam kung bakit, pero biglang kumalabog ang dibdib ko. Kasi totoo naman. At sa paraan niya ng pagsabi, parang hindi lang sa tao ang mensahe, kundi pati sa akin.

Natinag ako nang tapikin ni Levi ang balikat ko. “Mamaya ikaw na mag-pray before si Nath magsimula.” Tumango lang ako, pilit na kalmado. Pero sa loob ko, nalilibog ako. Kasi habang nakikinig ako sa mga tao, pakiramdam ko ako ang tinuturuan, hindi lang sila.

Maya-maya, unti-unting nagbalik sa upuan ang lahat. Tahimik na ang paligid. Parang nakahanda na silang tumanggap ng mas malalim na aral. Doon ako tinawag para manguna sa panalangin.

“Lord,” panimula ko, “Salamat po sa wisdom na ibinahagi ni Ate Lois. Ngayon, buksan nyo po ang aming puso para sa salita nyo. Nawa’y hindi lang ito manatili sa isipan, kundi maging buhay namin. Amen.” Pagkatapos noon, tumayo si Nathanael. Humawak siya sa pulpitong gawa sa kahoy, at bago magsimula, dumaan muna ang mga mata niya sa akin. Sandali lang iyon, pero pakiramdam ko binigyan niya ako ng lakas. At doon nagsimula ang bahagi niya.

KABANATA XX

Tumikhim si Nathanael habang hawak ang maliit na Biblia na lagi niyang tangan. Tahimik ang paligid, tanging lagitik ng bentilador at kaluskos ng ilang bata sa labas ang maririnig.

“Bago po tayo magsimula ay may isa akong katanungan para sa inyo.” panimula niya. “Kailan o anong araw ba dapat nagpapahinga ang isang tao?” pagpapatuloy niya. Napaisip naman ang ina, nagbulong-bulungan.

“Linggo!” sagot naman ng isang matandang lalaki. Nakangitinito at proud pa sa kaniyang isinagot. Sinegundahan naman iyon ng katabi niya hanggang sa sinang-ayunan na ng lahat.

“Linggo kasi, tuwing linggo ang simba.” Pagpapatotoo pa ng isang ginang. Napangiti naman si Nathanael.

“Mga kapatid,” panimula niya, mahinahon pero buo ang tinig, “Ang tunay pong araw ng kapahingahan ay ang araw ng Sabado. Ang araw na ito ay espesyal. Hindi dahil nasa huli tayo ng linggo, kundi dahil mismong ang Diyos ang nagtalaga na ito ay maging banal.” Napatingin ako sa kanya. Ang dami ko nang narinig na speaker, pero iba ang paraan niya. Hindi malakas, hindi agresibo kundi parang may lambing, na kapag nagsalita siya, kusa kang makikinig. Minsan pa ay mapapangiti ka rin sa tuwing ngingiti siya.

“Simula pa lang po ng paglikha,” patuloy niya habang binubuklat ang pahina ng tangan niyang biblia. “Nang matapos ang Diyos sa anim na araw, Siya mismo ang nagpahinga sa ikapitong araw.

Genesis 2:3: At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kaniyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kaniyang ginawa.“

Narinig ko ang mahinang bulungan ng ilan. Yung iba, nagkatinginan, para bang ngayon lang nila narinig na literal na pinabanal ng Diyos ang ikapitong araw.

“Mga kapatid,” mahinahon niyang dagdag, “Ang Sabbath ay hindi inimbento ng tao, hindi rin tradisyon lang. Ito ay regalo ng Diyos para sa atin sa oras ng pahinga, panahon ng pagsasama kasama Siya.

pagpapatuloy niya. Nagtaas ng kamay ang isang tatay sa harap.

“Brother, ibig sabihin ba niyan, hindi talaga Linggo ang araw ng pamamahinga?”   Ngumiti si Nathanael, hindi nagmadali.

“Magandang tanong po. Kung babasahin natin ang Biblia, ang Sabbath ay ika-pitong araw, na ngayon ay tumatapat sa Sabado. Hindi ito tungkol sa relihiyon, kundi tungkol sa pagsunod sa utos ng Diyos.

Exodus 20:8-10 ‘Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ipangilin.’“

Ramdam ko ang katahimikan. Yung dating malikot na mga bata kanina, biglang natutong umupo nang maayos, para bang nahawa sa bigat ng usapan.

“Pero higit sa lahat,” dagdag niya, “Ang Sabbath ay hindi lang tungkol sa bawal o sa hindi gagawin. Ang tunay na diwa nito ay relasyon. Isang buong araw na sinasabi ng Diyos. ’

Anak, ako muna. Pahinga ka, kasama ako.’

Napatitig ako sa kanya. At hindi ko alam kung ako lang ba, pero bawat salitang binibitawan niya, parang dumidiretso sa puso ko. Hindi lang para sa mga tao iyon, kundi parang ako mismo ang kinakausap.

“Sa tuwing pipiliin nating ipangilin ang Sabbath,” mahinahon niyang tinapos, “Para tayong nagsasabi sa Diyos ng

Ikaw ang una sa buhay ko

. At doon, mga kapatid, nagiging totoo ang relasyon hindi lang salita, kundi gawa.“

Nagpalakpakan ang mga tao, hindi dahil sa sigawan o hype, kundi dahil sa tahimik na pag-amin na may tumama sa kanila.

At ako, nakatulala pa rin, hawak ang ballpen na kanina pa hindi sumusulat. Kasi alam kong sa gabing iyon, hindi lang sila ang natuto kundi ako rin.

Matapos ang huling salita ni Nathanael, bumigat ang katahimikan. Wari bang bawat isa ay pinakikinggan ang sariling tibok ng puso. Nagtaas ng kamay ang isang matandang babae na nakaupo malapit sa pintuan.

“Brother,” mahina pero malinaw ang tinig niya, “Paano naman po kung hindi ko kaya na huwag magtrabaho ng Sabado? Minsan kasi, kapag hindi ako pumasok, wala akong kikitain. Paano kung gugutumin ang pamilya ko?”

Naramdaman ko ang kirot sa tanong niya. Totoo, mahirap nga iyon. Tumango si Nathanael, hindi nagmadali sa pagsagot.

“Nanay,” banayad niyang tugon, “Naiintindihan ko po ang bigat ng sitwasyon. Pero tandaan natin, ang Diyos na lumikha ng Sabbath ay Siya ring nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan. Kung pipiliin nating maging tapat sa Kanya, hindi Niya tayo pababayaan. Maaaring hindi agad-agad, pero makikita niyo po Siya mismo ang gagawa ng paraan.” Mahabang paliwanag ni Nathanael ngunit hindi pa rin nawawala sa mukha ng ginang ang katanungan. Hanggang sa may isa namang binata sa gilid ang sumabat.

“Brother, bakit hindi lahat ng simbahan ay pare-pareho sa araw ng pagsamba? Kung totoo pong Sabado ang Sabbath, bakit karamihan ay Linggo?” Napatingin ako kay Nathanael, at doon ko nakita ang bahagyang paghinga niya bago sumagot, hindi dahil nahirapan siya, kundi dahil gusto niyang maging mahinahon.

“Magandang tanong, kapatid,” aniya, nakatingin diretso sa binata. “Kadalasan, tradisyon ang nagiging basehan ng marami. Pero kung babalikan natin ang kasaysayan, may mga pagbabagong ginawa ng tao na nagpalit ng araw ng pagsamba. Kaya nga’t mahalaga na hindi lang basta kung ano ang nakasanayan, kundi kung ano ang nakasulat sa Biblia. At sa Biblia, malinaw: ang Sabbath ay ikapitong araw.” Nagkatinginan ang mga tao, kita ko sa kanilang mga mata ang gulat at pag-iisip. May isa pang nagtanong, isang tatay na halatang sanay sa pagtatanong ng diretso. 

“Eh Brother, kung sakali pong susundin namin ito, hindi ba kami pagtatawanan o pupunahin ng ibang tao? Hindi ba kami kakaiba?”

Ngumiti si Nathanael, saka bahagyang yumuko bago tumingin muli.

“Oo, maaaring kakaiba. Pero tandaan po natin, ang pagsunod sa Diyos ay hindi tungkol sa kung anong sasabihin ng tao. Ang mahalaga, masabi natin sa Diyos na, Ama, sinusunod kita dahil mahal kita. At sa bandang huli, Siya mismo ang magbibigay ng lakas at katapatan sa atin.” Tahimik ang lahat. Ang bigat ng hangin, pero hindi nakakasakal parang may katiyakan, may kapanatagan.

At doon ko naramdaman na hindi lang sila curious kunfi gusto talaga nilang maintindihan at gusto nilang malaman kung ano ang totoo.

At ako, nakaupo sa isang tabi, hindi ko na namalayang kumuyom ang palad ko sa ibabaw ng tuhod. Kasi sa bawat tanong at sagot, hindi lang sila ang natamaan. Ako rin.

Pagkatapos ng ilang sagot ni Nathanael, muling bumalik ang katahimikan sa loob ng kapilya. Wala nang nagtanong pa, pero sa mga mukha ng mga tao, halata ang bigat ng mga salitang narinig nila. Hindi iyon tipong basta dumaan lang sa tenga na para bang nag-ugat sa loob.

“Maraming salamat po sa inyong oras ngayong gabi,” dagdag pa ni Nathanael, mahinahong tinig na may ngiti. “Nawa’y ang ating napag-aralan ay hindi lamang manatili sa isip, kundi maisabuhay natin.” Tumango ang ilan, may iba na nagpaalam, at unti-unting naghiwa-hiwalay ang mga tao. Ang ilan ay lumapit upang makipagkamay, ang iba nama’y tahimik na naglakad pauwi, pero dala-dala ang mga tanong at hamon na iniwan ng aralin.

Kami naman ay nanatili pa sandali sa loob upang ligpitin ang ilang gamit. Tahimik ang bawat isa, tila nagbabalik-tanaw sa mga nangyari. Ang kapilya na kanina’y puno ng tanong at usapan, ngayo’y napalitan ng banayad na katahimikan, isang uri ng kapayapaan na mahirap ipaliwanag.

At sa gitna ng lahat, ramdam kong may kakaibang binhi na naitanim hindi lang sa puso ng mga nakapakinig, kundi maging sa amin din na naroroon

Tahimik na ang quarters. Sina Levi, Rommel, at Zion ay kanya-kanya nang himbing, may marahang hilik na umaalingawngaw sa dilim. Ako lang ang gising, nakatihaya sa kama, nakatitig sa kisame na halos hindi makita sa dilim. Ang bigat ng gabi. Hindi dahil sa pagod lang, kundi dahil sa mga narinig kong tanong at reaksyon ng mga tao kanina. Nakita ko sa mga mata nila hindi lang sila basta nakinig. May mga sugat na tinamaan, may mga katanungang matagal nang nakatago, at may mga paniniwalang parang yumanig.

At ako? Nasa gitna pa rin ng sariling mga tanong. Ang dali para kay Nathanael magsalita ng buong tapang, na para bang wala siyang duda. Pero ako… paano kung hanggang ngayon, may bahagi ng sarili kong hindi ko alam kung tatanggapin ng Diyos? Paano kung mismong pagiging ako ang kasalanang tinutukoy nila?

Pinikit ko ang mga mata, pilit na pinapakalma ang sarili. Sa bawat hinga, pinapaalala ko sa sarili na kaya ako nandito ay hindi para sa akin kundi para sa iba. Para sa mga batang kailangan ng pag-asa. Para sa matatanda na naghahanap ng direksyon. Pero hindi ko maitatanggi na sa bawat tanong nila, ako rin ang tinatamaan.

Bumaling ako sa gilid, niyakap ang unan na parang doon ko lang kayang ilabas ang bigat. Mahinang dasal ang sumilip sa aking labi.

Panginoon… kung tama nga na mahal Mo ako, kahit sino pa ako, pakita Mo sa akin. Huwag Mong hayaan na magturo ako ng salita na hindi ko kayang paniwalaan sa sarili ko.

At sa wakas, sa pagitan ng pagod at bigat ay nakatulog ako hindi man ganap na magaan, pero may bahagyang kapayapaan na parang sinilip ng Diyos ang dasal ko.

KABANATA XXI

Dumaan ang linggo nang banayad at maayos. Nakatutuwa dahil umabot na kami nang isang linggo sa lugar na ito. Halos mabilis naming na-adopt ang kung anong mga ginagawa ng mga tao rito.

Hindi naging madali noong mga nakaraang araw, ngunit ngayon ay iba na. Hindi man gaanong magaan ngunit hindi naman na siya ganoon kabigat. Siguro’y nakasanayan na rin namin kaya ganito na lang ang nararamdaman ko ngayon sa lugar.

Tahimik akong lumabas ng quarterat doon ay nag-unat-unat. Sikat na rin ang araw kaya ang sarap sa pakiramdam na tumatama ang sinag nito sa aking balat.

“Good morning!” dinig kong bati ng pamilyar na boses na nagmumula sa aking likuran. Humarap ako at doon nagtama ang aming mga mata. Nakangiti siya dahilan upang ngumiti rin ang kaniyang mga mata.

“G-Good morning din!” tugon ko dahilan upang mas lalong lumapad ang kaniyang pagkakangiti. Sa pagkakataong ito ay muli na namang bumilis ang tibok ng puso ko. Tila mayroong karera doon na nag-uunahan sa pagtibok.

“Kape?” abot niya sa isang baso na naglalaman ng kape. Agad ko rin iyong tinanggap nang makitang nahihirapan na siya sa pagdala nito.

“S-Salamat,”

“Wala na tayong house visitation magmula ngayon. Gusto kasi ni pastor na magfocus na tayo sa mga gagawin natin mamaya hanggang sa susunod pang mga araw.” aniya habang nakatingin sa dalampasigan na sa dulo ay kabundukan.

“Hindi ko alam kung mas mahihikayat ba natin ang mga tao sa ganitong paraan.” panimula ko. Bigla ko kasing naisip ang mga tao kagabi. May mga agam-agam pa rin kasi sa kanilang mga mata nang matapos ang naging diskusyon kagabi.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong niya. Napabuntong hininga naman ako.

“Ikaw, o tayo ang nag-introduce sa kanila ng Sabbath. Nakikita ko sa mga mata nila ang agam-agam dahil nakasanayan na nilang magpahinga tuwing araw ng linggo.” paliwanag ko, ramdam ko naman ang paglingon niya sa akin.

“Ngunit iyon ang katotohanan hindi ba? Ang katotohanan ang dapat nating ipalaganap at ipaalam sa sino man.” mahinahon ang kaniyang tugon, ngunit ramdam ko na rin ang diin.

“Ngunit ang katotohanan minsan ang nagdadala sa isang tao ng kalituhan. Hindi natin kailangang ipangalandakan sa kanila na tama tayo gayong may iba rin silang paniniwala.” muling sambit ko, taliwas sa kaniyang sinabi. Ramdam ko ang kaniyang pag-iling. Hindi ko rin magawang tignan siya dahil baka higupin lamang ako ng mga mata niya.

“Hindi naman natin sila pinagmamadali. Kung patuloy silang mananalig at magbabasa ng banal na kasulatan, malalaman at maiintindihan din nila ang totoo.” pagtatapos niya sa kaunting pagtatalo. Napabuntong hininga ako. Sa mga ganitong usapin ay hindi kami nagkakasundo. Siya ay nakatingin lamang sa kung ano ang katotohanan, tinitignan ko rin naman ang katotohanan ngunit nakatuon din ako sa kung ano ang mga posibleng katotohanan. Iyung tunay na nararanasan ng tao, hindi iyung nakabase sa nakasulat sa banal na libro. Hindi ko naman sinasabing taliwas ang aking kaisipan sapagkat ako’y sumusunod pa rin naman. Ngunit kung ang katotohanang ito nga ang magdadala sa tao sa kalituhan, ano pa ang magiging saysay ng katotohanan?

Tahimik akong napatingin sa malayo matapos ang sinabi ni Nathanael. Sa pagitan naming dalawa, tila ako lang ang may tanong na hindi kayang sagutin ng Bibliya. Marahan akong huminga at hinayaan kong lamunin ng hangin ang mga salitang hindi ko na kayang banggitin.

Ang araw ay patuloy na tumatama sa buhangin, nagbibigay-liwanag, ngunit hindi ko maiwasang maramdaman ang bahagyang bigat sa dibdib.

“ Katotohanan ,“ bulong ko sa sarili. Bakit nga ba tila mas mabigat ang salitang iyon kapag ikaw mismo ang sinusubok nitong unawain?

Lumaki akong tinuruan kung ano ang tama at mali. Na kapag mali ang isang bagay, dapat ituwid ito agad. Pero ngayong naririnig ko ang sarili kong boses na nagdududa kung dapat nga bang ituwid agad ang lahat, napapaisip ako na

Paano kung ang pagtutuwid ay nagmumula sa pusong hindi pa handang magparinig?

Napayuko ako. Hindi ko alam kung ito bang pag-aalangan ay tanda ng kahinaan ng pananampalataya, o tanda ng pagnanais na mas maunawaan ang mga taong nilikha rin Niya.

Bilang theologian, dapat malinaw sa akin kung ano ang totoo. Pero bilang tao, minsan mas malinaw sa akin kung ano ang totoo sa pakiramdam.

“Kael.” Naputol ang iniisip ko nang marinig kong muli ang boses ni Nathanael. Paglingon ko, may ngiti pa rin sa labi niya, parang walang mabigat na pag-uusap na nangyari kanina.

“Halika, tutulungan daw tayo ni Lois mag-ayos para sa 4PM session ng mga bata.” Tumango ako at pilit na ngumiti.

“Sige. Sandali lang, kukunin ko lang ’yung mga gamit.”

Pagpasok ko sa loob ng quarters, sinalubong ako ng mahinang kaluskos ng mga kasamahan naming nag-aayos na ng mga kagamitan. Amoy kape at tinapay ang paligid, isang paalala na bagong araw na naman ito.

Habang pinupulot ko ang mga librong gagamitin sa aralin ng mga bata, napatingin ako sa mesa. Naroon pa ang isang baso ng kape na iniabot niya kanina. Inangat ko iyon, sinubukang humigop kahit malamig na. Mapait, pero nakagigising.

Napangiti ako nang bahagya. Marahil ganoon din ang katotohanan, mapait sa simula, pero kung titibayan mo lang ang loob mo, doon mo lang mararamdaman ang gising na gising na pagkakaunawa.

Paglabas ko, naroon na si Nathanael, hawak ang mga illustration boards habang tinutulungan siya ni Lois magtali ng mga lubid. Maaliwalas ang paligid; tila wala nang bakas ng usapan naming mabigat kanina.

“Handa ka na?” tanong niya. Ngumiti ako, at sa unang pagkakataon, walang pag-aalangan sa tono ko.

“Handa na. Tara.” Habang naglalakad kami patungo sa lugar ng session, nakatingin ako sa liwanag ng araw na sumisilip sa pagitan ng mga dahon. Siguro nga, hindi kailangan laging magtagpo ang puso at isip para maglingkod. Minsan, sapat nang pareho silang nakatuon sa liwanag.

Mainit ang hangin pero masaya ang paligid. Nasa ilalim kami ng malalaking punong nagbibigay ng lilim, at sa gitna ay may mga batang nakaupo sa mga banig, hawak-hawak ang kani-kanilang maliit na Biblia.

Masaya ang paligid. Ang mga bata ay nakaupo sa bilog, habang si Lois ay namimigay ng maiinom. Ang ilan ay tumatawa, ang iba nama’y nag-uusap pa habang hinihintay si Nathanael magsimula.

“Anong story natin ngayon, kuya?” tanong ng isang batang babae na may pulang tali sa buhok. Ngumiti si Nathanael at umupo sa harap nila.

“Handa na ba kayo?” tanong ko sa mga bata.

“Handa na po, kuya Kael!” sabay-sabay nilang sigaw. Ngumiti ako at saka nag-umpisa.

“Ngayon, gusto kong ikuwento sa inyo ang Parabula ng Mabuting Samaritano.” Agad silang natahimik, sabik na makinig.

“May isang lalaki,” panimula ko, “Na naglalakbay mula sa Jerusalem patungong Jerico. Sa daan, inatake siya ng mga tulisan. Ninakawan siya, sinaktan, at iniwan sa daan.”

Napakunot ang noo ng isang bata.

“Wala pong tumulong sa kanya, kuya?” Ngumiti ako dahil kita ko sa mata ng bata ang kuryusidad.

“May dumaan naman na isang pari at isang Levita. Pero pareho silang umiwas. Siguro’y natakot, o baka nagmamadali. Pero pagkatapos nila, may dumaan na isang Samaritano.”

“ Yung kaaway ng mga taga-Judea!“ singit ng isa. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti. Natutuwa ako kay may ilan pa rin pala sa mga bata rito ang nakakaalam ng ilan sa mga parables.

“Tama,” sagot ko. “Pero siya ang tumigil. Nilinis niya ang sugat ng lalaki, dinala sa isang bahay-panuluyan, at binayaran pa ang lahat ng kailangang gastusin. Hindi niya tinanong kung taga-saan ito, o kung pareho ba sila ng paniniwala. Ang ginawa lang niya  ay tumulong.” Tahimik ang mga bata. Ang ilan ay napapaisip, marahang kumikindat sa isa’t isa, pero walang nagsasalita.

“Kuya,” tanong ng batang babae kanina, “kung hindi naman sila magkaibigan, bakit pa siya tumulong?”

“Dahil hindi mo kailangang maging magkaibigan para magmahal,” sagot ko. “Ang tunay na pagmamahal ay hindi tanong ng kung sino ka, kundi kung paano mo tinitignan ang iba.” dagdag ko at napatango naman sila na tila naintindihan ang sinabi ko. Sa gilid ng aking paningin, nakita kong nakatingin si Nathanael. Tahimik lang siya, nakikinig. Pero ang mga mata niya ay tila lumambot.

“Ngayon, gusto kong isipin ninyo,” patuloy ko, “kung sino sa tatlong dumaan ang tunay na naging kapitbahay.”

“Yung Samaritano!” Sabay-sabay nilang sagot

“Bakit?” tanong ko.

“Kasi tumulong siya kahit hindi niya kilala!” sabi ng isang bata.

Ngumiti ako. “Tama. At minsan, mga bata, ganon din ang gusto ni Jesus sa atin. Huwag tayong mamili kung sino ang tutulungan. Minsan, yung hindi mo akalaing lalapitan mo ay siya ang pinadala Niya para turuan ka kung ano ang ibig sabihin ng kabutihan.”

Nagpalakpakan ang mga bata. Habang pinapanood ko sila, napatingin ako muli kay Nathanael. Ngumiti siya, hindi yung ngiti ng pagtutol, kundi ’yung ngiti ng pag-unawa. At doon ko lang naramdaman na marahil, kahit magkaiba kami ng paraan, pareho rin naman kaming tinuturuan ng Diyos sa tamang oras, at sa tamang paraan.

KABANATA XXII

Dahan-dahang bumababa ang araw sa likod ng mga bundok, at ang langit ay nagkukulay kahel. Ang mga tao ay nagtipon sa maliit na kapilya. Tahimik. Ang hangin ay malamig ngunit payapa, at ang tunog ng mga alon sa dalampasigan ay tila musika ng gabi.

Lahat kami nang naririto ay taos pusong nagalak nang makita kung gaano kasabik ang mga tao na makita kami at makarinig ng banal na salita. Pagkapasok namin sa iglesia ay napuno ng galak ang aming puso nang makita ang ngiti sa kanilang mga mata.

“Kumusta po kayong lahat?” masiglang bungad na tanong ni Micah. Siya na muna ang nanguna ngayon dahil nagpalit sila ng gawain ni Levi. Si Levi naman ang nasa documentation habang siya ay ang presider.

“Awa ng Diyos ay maayos naman po!” tugon naman ng iba na sinabawan pa ng tawa. Halata ngang nasa maayos sila at doon ay hundi ko maiwasang hindi mapangiti.

“Nagagalak po kami sapagkat kayo po ay nasa mabuting kalagayan ngayon. Alam po namin na mahirap po ang buhay ngunit mas nagagalak kami dahil sa kabila ng hirap ay nakukuha niyo pa pong maging masaya, malakas, at matatag na siyang laging nais ng Diyos. Kung may mga pagkakataon man po na kayo ay pinanghihinaan ng loob. Basahin niyo lang po ang Joshua at damhin na ikaw ang kinakausap Niya. Sabi nga po ron ay be strong and courageous!” buong sambit ni Micah. Napangiti naman ang lahat. Be strong and courageous! Iyan siguro ang wala ako sa ngayon.

Nag-umpisa ang session nang tawagin ni Micah si Nathanael. Nang matapos magdasal ay tumikhim pa muna siya bago muling magsalita.

“Nagagalak ako sapagkat napakagandang paalala ang sinabi ng ating kapatid na si Micah. Be strong and be courageous. Tama ho siya. Kung nakararamdam man po kayo ng bigat ano anumang kabiguan ay buksan niyo lamang ang inyong biblia at magbasa. Doon niyo makikita ang tunay na pangako ng Diyos. Ang nais niya lamang po ay maghintay at huwag kang paghinaan ng loob. Huwag ring kwestyunin ang kaniyang pangako dahil minsan na niya pong ipinakita sa atin ang kaniyang pangako nang siya ay nagkatawang tao sa pamamagitan ni Jesus na siyang ating naging tagapagligtas.” tahimik ang lahat, pokus sa pakikinig kay Nathanael. Hindi ko rin alam kung sa akin lamang iyin pero sa tuwing siya ay magsasalita ay hindi mo maaalis ang tainga mo sa kaniya. Tila may hipnotismo ang kaniyang tinig dahilan upang hindi maalis ang pakikinig mo sa kaniya. Siguro ay dahil sa lambing ng kaniyang pananalita.

At ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw sa pamamagitan ng isang haliging ulap, upang patnubayan sila sa kanilang daraanan, at sa gabi ay sa pamamagitan ng haliging apoy, upang bigyan sila ng liwanag; upang sila’y makapaglakbay araw at gabi. Iyan po ay nakasulat sa Exodo 13:12.

Ang buhay ng tao ay tila isang paglalakbay na puno ng pagsubok, may mga bagyong dumarating at mga hadlang na humahadlang sa ating mga pangarap. Subalit sa gitna ng lahat ng ito, nananatili ang tanong, ang mga pangarap bang hinahabol natin ay siya ring tunay na magbibigay ng ligaya sa ating puso? Sapagkat maraming mukha ang kasiyahan, minsan ito’y nakikita sa mga bagay na ninanais nating makamtan, at minsan nama’y sa mga simpleng bagay na hindi mabibili ng salapi.“ tumigil siya upang uminom ng tubig. Sa pagkakataong ito ay tila bumabal ang aking paligid maging ang pag-alon ng kaniyang lalamunan. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari ngunit ang kalooban ko ay gusto kong matutok sa kaniya. Umiwas ako ng tingin dahil pakiramdam ko ay bigla akong nakaramdam ng pagkauhaw.

Sa pagkakataong ito, alam kong mali ang nararamdamang ito. Mali na hayaang madaig ako ng damdaming hindi dapat umusbong sa ganitong banal na lugar. Parang biglang lumabo ang lahat. Ang tinig ni Nathanael, ang mga ilaw ng kapilya, maging ang pagaspas ng hangin. Tanging pintig ng puso ko ang naririnig ko. Tila tinutukso ako ng sarili kong isipan. Ang bawat salitang binibigkas niya ay parang palasong dumidiretso sa loob ko, hindi upang saktan, kundi upang gisingin ang kung anong pilit kong itinatanggi. Napalunok ako, at bago pa man ako tuluyang matangay, dali-dali akong tumayo at tahimik na lumabas ng kapilya.

Sa labas ay sinalubong ako ng malamig na hangin mula sa dalampasigan. Ang dagundong ng mga alon ay tila humahalo sa tibok ng puso ko. Bawat hakbang ko papunta sa aming quarters ay parang mabigat, hindi dahil sa pagod, kundi sa bigat ng konsensya.

Pagdating ko sa silid, umakyat ako sa itaas ng kama. Wala akong ibang nagawa kundi lumuhod. Ang malambot na kama ay dumampi sa aking tuhod, at doon ko naramdaman ang bigat ng lahat ng pagod, ng hiya, ng pagkadama.

“Patawad, Ama…” bulong ko, halos punit ang tinig. “Kung ako’y nagkasala sa aking puso, kung ako’y nadala ng damdamin na hindi karapat-dapat, linisin Niyo po ako. Ako po’y mahina, at ang puso kong ito ay madalas na napapaling sa mali. Tulungan Niyo po akong mapawi ang pagnanasa, at palitan ito ng pag-ibig na dalisay at ayon sa kalooban Ninyo.”

Tahimik ang paligid. Tanging hampas ng alon sa di kalayuan ang saksi sa bawat patak ng luha ko. Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakaluhod, ngunit sa bawat paghinga ay unti-unti kong naramdaman ang kapayapaanisang banayad na haplos ng Espiritu na tila nagsasabing,

“Anak, naririnig kita.”

At doon ko muling napagtanto ang tunay na lakas ay hindi sa pagtanggi ng damdamin, kundi sa pagpiling manatiling tapat sa Diyos kahit sa gitna ng tukso.

KABANATA XXIII

Kinabukasan, maaga akong nagising. Ang sinag ng araw ay marahang tumatagos sa manipis na kurtina ng bintana. Tahimik pa ang paligid, tanging huni ng mga ibon at mahinang hampas ng alon ang maririnig. Dapat ay mapayapa ang umagang ito, ngunit tila may bigat sa dibdib ko na hindi ko maalis.

Pagbaba ko, nadatnan ko na sina Micah at Levi sa labas, abala sa paghahanda ng almusal. Si Nathanael naman ay nakaupo sa gilid, hawak ang kaniyang bibliya, tila nagmumuni. Mabilis kong iniwas ang tingin nang magtagpo ang aming mga mata.

“Magandang umaga,” mahina kong bati habang abala kunwaring nag-aayos ng mesa.

“Magandang umaga rin, “ magiliw niyang tugon, ngunit may halong pagtataka sa tinig niya. Ramdam kong sinusundan niya ako ng tingin. Habang nag-aalmusal, sinikap kong umiwas sa kaniyang paningin. Hindi ko alam kung nahahalata niya, pero bawat galaw ko ay pilit kong ginagawang natural. Kapag nagsasalita siya, nagkukunwari akong abala sa pagkain; kapag tumatawa siya, napapatingin lang ako saglit bago agad ibinababa ang tingin.

“Kael,” tawag niya bigla, malumanay pero diretso. Napatingala ako.

“O–oh, bakit?” Tugon ko

“May problema ba?” tanong niya, marahang nakakunot ang noo.

“Kanina pa kita pinagmamasdan. Parang… iniiwasan mo ako.” Saglit akong natigilan. Mabilis kong ginagap ang baso ng tubig, pilit na ngumiti.

“Hindi ah, baka pagod lang ako kagabi.”

“Sigurado ka?” Umiling siya nang bahagya, at sa tinig niya ay may halong pag-aalala. “Alam mo namang pwede mong sabihin sa akin kung may bumabagabag sa’yo, ’di ba?”

Hindi ko magawang sumagot. Sa halip ay ngumiti lang ako nang tipid at tumango. Ngunit sa loob-loob ko, nag-aalab ang kaba. Hindi ko alam kung dahil ba sa hiya, sa takot na mabunyag ang naramdaman ko kagabi, o sa katotohanang kahit ngayon, habang nagsasalita siya, naririnig ko pa rin ang tinig niyang minsan ay nagpatibok sa puso kong hindi dapat matibok.

Pagkatapos ng almusal, nagpaalam akong lalabas muna para maglakad sa dalampasigan. Narinig kong tinawag ako ni Nathanael ngunit hindi ko na nilingon. Sa bawat hakbang ko sa buhanginan, unti-unti kong naramdaman ang hapdi ng katotohanan, minsan, ang pinakamahirap labanan ay hindi ang kasalanan, kundi ang damdaming alam mong hindi mo kailanman dapat ipaglaban.

Malayo na ang narating ko sa dalampasigan, at sa bawat yapak ko sa buhangin ay sumasabay ang lagitik ng mga alon. Ang hangin ay malamig, at bawat dampi nito sa balat ko ay tila paalala ng kahapong pilit kong nililimot. Huminto ako malapit sa isang malaking bato at doon naupo. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata, baka sakaling mapawi ng simoy ng dagat ang bigat sa dibdib. Ngunit kahit anong gawin ko, ang boses pa rin ni Nathanael ang bumabalik, ang paraan ng kaniyang pagsasalita, ang kalmadong tono, at ang tinging tila tumatagos kahit nakayuko ako.

“Kael.” Napatigil ako. Hindi ko kailangang lumingon pa dahil alam kong siya iyon. Muling naglakad ang tibok ng puso ko, mabilis, parang may gustong tumakas. Dahan-dahan akong humarap. Nakatayo siya sa likod ko, dala ang banayad na ngiti, ngunit sa likod ng ngiting iyon ay may halong pag-aalala.

“Bakit ka sumunod?” tanong ko, pilit na kalmado ang tinig.

“Hindi kita maiwan kanina,” sagot niya. “Hindi ka rin mapakali simula pa kagabi. Naiintindihan ko kung pagod ka, pero parang may iba.”

Napayuko ako. “Wala, Nath. Sabi ko nga, pagod lang. Wala ’to.”

Tahimik. Ang alon lang ang humahampas sa dalampasigan.

“Kael…” marahan niyang sambit, mas malumanay ngayon. “Hindi mo kailangang itago kung may pinagdadaanan ka. Nandito lang ako. Alam mo yan.” Napakagat ako sa labi. Ayaw kong magsalita dahil pakiramdam ko ay anumang salitang lalabas sa bibig ko ay maglalantad ng lihim kong tinatago.

“Hindi lahat ng laban ay kailangang sabihin,” mahina kong sagot, halos pabulong. “Minsan, kailangan mo lang manahimik. Kasi kapag sinabi mo, baka hindi mo na makontrol.”

Dahan-dahan siyang lumapit, hanggang sa ilang hakbang na lang ang pagitan namin. Ramdam ko ang init ng araw sa pagitan naming dalawa, ngunit mas mainit ang titig niyang nakatuon sa akin.

“Kael,” marahang sambit ni Nathanael, “kung may bigat man sa puso mo, huwag mong hayaang ikaw lang ang magdala. Hindi mo kailangang palaging maging matatag.”

Napalunok ako.

“Hindi ito tungkol sa lakas, Nath. Ito yung uri ng laban na kapag pinilit mong ipaliwanag… baka pati pananampalataya mo madamay.”

Sandaling natahimik si Nathanael, ngunit hindi niya inalis ang tingin sa akin. Sa kaniyang mga mata, may halong pagkagulat at pag-unawa parang naramdaman niya ang hindi ko nasabi.

“Kael,” mahina niyang sambit, “may mga bagay bang… gusto mong sabihin pero hindi mo magawa?” Hindi ako nakasagot. Sa halip, tumayo ako at ngumiti nang tipid.

“Baka ma-late tayo sa susunod na session,” sabi ko, sabay lakad pabalik sa kampo. Narinig kong tinawag niya ulit ang pangalan ko, ngunit hindi ko na nilingon. Sa bawat yapak ko sa buhangin, naririnig ko ang mahinang tinig niya sa hangin na tila tanong na hindi kailanman nasagot, at damdaming pareho naming piniling manahimik.

Hindi ko na alam kung hanggang saan ko pa makakayanan itong nararamdaman ko. Sa bawat araw na pagpigil ko rito ay tila lalo lamang itong lumalago. Ilang beses ko na ring kinuwestyon ang aking sarili kung nararapat pa rin ba ako sa sitwasyong ito. Ngunit kahit na ganoon ay hindi ko pa rin pinapatay ang aking pananampalataya. Nananatiling nakasindi ang liwanag na mayroon ako. Ito ang pinakaiingatan ko.

Gabi na naman. Tahimik ang paligid, tanging ugong ng mga kuliglig at mahinang hampas ng alon sa malayo ang maririnig. Sa maliit na lamparang nakasabit sa dingding, sumasayaw ang anino sa loob ng kubo na parang mga guniguni ng damdaming pilit kong tinatabunan.

Nasa kabilang gilid ng mesa si Nathanael. Nakaupo siya, nakayuko, abala sa pagsusulat ng mga tala para sa susunod na leksyon. Ako naman ay kunwa’y nag-aayos ng notes, pero sa totoo lang, wala akong naiintindihan sa binabasa ko. Sa bawat paglipas ng minuto, mas nagiging malinaw ang tahimik na pagitan naming iisang katahimikang hindi nakakapanatag.

“Kael,” tawag niya, hindi tumitingin. “Pwede mo bang i-check itong outline? Baka may nakaligtaan ako.”

Tumango ako, kinuha ang papel, pero nang abutin ko iyon, nagdikit ang mga daliri namin. Isang iglap lang, pero parang tumigil ang mundo. Pareho kaming napatingin at ako naman ay  mabilis na umiwas habang siya ay nanatiling nakatingin na parang may gustong maintindihan.

“Salamat,” mahinang sabi ko, halos pabulong.Tumango lang siya, ngunit hindi na ako binitiwan ng tingin.

“Kanina sa dalampasigan…” mahina niyang simula, “parang may gusto kang sabihin. Nitong nakaraan din ay bigla ka na lang nawala sa session natin. Hinanap kita pero sabi ni Levi ay nasa quarter niyo na ikaw. Hindi ko na uulitin ang tanong ko, pero sana, kapag handa ka na, sabihin mo.” Napahinga ako nang malalim.

“Hindi mo kailangang intindihin yon, Nath. May mga bagay na mas mabuting manatili sa pagitan ng tao at ng Diyos.” makahulugang sambit ko, nangunot naman ang kaniyang noo.

“Alam ko,” sagot niya, at marahang ngumiti. “Pero minsan, baka si Diyos din ang nagpapadala ng taong makikinig sa’yo.” Hindi ko alam kung anong sasabihin. Sa loob ng maliit na kwartong iyon, biglang bumigat ang hangin. Ramdam ko ang tibok ng puso ko, mabilis, magulo, at puno ng takot.

“Maaga pa tayo bukas,” sabi ko na lang, pilit na tinatapos ang usapan. “Matulog ka na.”

Tumango siya, ngunit bago siya tuluyang humiga, nagsalita siya muli.

“Kael…” Lumingon ako. “Hindi ko alam kung anuman yung pinipigilan mo, pero gusto kong malaman mo na hindi mo kailangang mag-isa sa laban mo.” Hindi ko na siya sinagot pa at lumabas na ng kubo at nagtungo na ng quarter. Hindi ko na naabutan pang gising ang tatlo kaya umakyat na ako sa ikalawang palapag ng kama. Humiga ako at tumalikod, ngunit kahit nakapikit, rinig ko pa rin ang boses  niya. Sa dilim, tahimik akong nagdasal.

“Panginoon, tulungan nyo po akong manatiling matatag. Sapagkat sa bawat gabi, mas nagiging malinaw kung gaano ako kahina.” At bago ako tuluyang makatulog, isang tanong ang paulit-ulit na umuukit sa isip ko. hindi ko alam kung tukso ba ito, o pagsubok na kailangang pagdaanan upang lalo kong maunawaan kung anong ibig sabihin ng be strong and courageous.

KABANATA XXIV

Maaga pa lang ay gising na ako. Ang liwanag ng araw ay marahang sumisilip sa pagitan ng mga dahon, at ang simoy ng hangin ay malamig pa. Dapat ay nakaaaliw ang ganitong umaga, ngunit ang katahimikan ay tila may ibang bigat ngayon  parang bawat huni ng ibon ay nagpapaalala sa akin ng kagabi.

Lumabas ako ng quarters, dala ang maliit kong notebook. Nasa labas na rin si Micah at Levi, abala sa paghahanda ng mga kagamitan para sa afternoon session. Ngayon na ang huling ikatlong araw namin dito. Si Nathanael ay nakaupo sa mahabang bangko, hawak ang kanyang gitara, marahang tinutugtog ang isang himig na pamilyar isang lumang awit ng papuri.

“Magandang umaga,” bati ko, pilit na kalmado. Lumingon siya, nginitian ako.

“Magandang umaga rin. Ang aga mo ah.” bati rin niya

“Hindi makatulog,” sagot ko.  Sinubukan kong gawing biro, pero kahit ako, ramdam kong pilit.

Tumango siya at nagpatuloy sa pagtugtog. Sa pagitan ng bawat nota, naririnig ko ang katahimikang tila nag-uusap nang hindi nangangailangan ng salita. Ako naman ay naupo sa kabilang dulo ng bangko, kunwaring nagbabasa, pero sa totoo lang ay binibilang ko ang distansya naming dalawa.

“Kael,” basag niya sa katahimikan.

“Gusto mo bang sabayan ako? Wala pa si Lois, eh. Pwede kang kumanta.”

Umiling ako. “Hindi muna. Baka magkamali ako sa tono.”

“Hindi mo naman kailangang maging perpekto,” sabi niya, at sa tinig niya ay may banayad na lambing. “Basta totoo.”

Napatingin ako sa kaniya, at doon ko nakita iyung paraan ng pagngiti niya na dati ay nakapagpapagaan ng pakiramdam ko, pero ngayon ay lalo lang nagpapagulo ng lahat.

“Hindi lahat ng totoo kailangang marinig,” sagot ko, sabay tayo. “Maghahanda lang ako ng materials.”

“Kael,” tawag niya ulit. Napatigil ako at napapikit nang mariin. Napakalambing ng tono ng kaniyang pananalita ngayon. Gustyhin ko man siyang linguniy, ngunit hindi ko na siya nilingon. Pinili kong magpatuloy sa paglalakad, pilit na binabalot ang sarili sa mga gawain para makalimutan ang nararamdaman.

Habang tinutulungan ko si Micah mag-ayos ng mga upuan, napansin kong tahimik si Nathanael, nakatingin lang sa malayo. Hindi ko alam kung napansin ng iba, pero sa pagitan naming dalawa, tila may pader na unti-unting nabubuo na hindi gawa sa galit o tampo, kundi sa takot na baka kapag bumitak iyon, tuluyan nang lumabas ang katotohanang matagal ko nang pilit ikinukubli.

At sa gitna ng araw na iyon, habang nakangiti kami sa mga tao, nagtuturo ng mga salita ng pag-asa at lakas ng loob, ako naman ay tahimik na nakikipaglaban sa sarili sapagkat minsan, ang pinakamahirap ituro ay ang bagay na ikaw mismo ay hindi pa kayang isabuhay.

Sa buong araw ay pinilit kong ituon ang isip sa gawain, ngunit sa bawat sandali ng katahimikan ay bumabalik pa rin ang tinig niya, ang ngiti niya, ang mga salitang paulit-ulit kong iniiwasan. Kaya nang tuluyang lumubog ang araw, alam kong hindi ko na kayang itago sa sarili ang bigat na iyon.

Muling lumubog ang haring araw at muling nagkubli sa kadiliman. Gusto kong humingi ng tawad sa mga bata kanina dahil ako ang gusto nilang magkwento sa kanila ngunit tumanggi muna ako dahil baka hindi ko magawa nang tama ang mission ko na iyon. Natatakot ako na baka kapag andon na ako ay matuon lamang sa kaniya ang maging atensyon ko.

Ayoko namang sirain ang pagkakataong iyon para sa mga bata. Kaya kahit na gusto kong silang pasiyahin ay mas pinili ko na lang muna ang manahimik.

Alam kong pati sina Micah at Levi ay nahahalata na ang kinikilos ko pero nananatili pa rin silang tahimik at hinahayaan ako.

Lord, kung ganito man ang aking pag-iwas, akin na pong inilalapit sa iyo ang pagpapakumbaba at pag-unawa dahil alam kong higit niyo akong maiintindihan.

Matagal akong nanatiling nakaluhod, pinakikinggan ang katahimikan ng paligid. Tila ba pati ang hangin ay nakikinig sa bawat dasal kong binitiwan. Sa ilalim ng manipis na liwanag ng buwan, marahan kong pinikit ang mga mata. Umaasang bukas, kapag muling sumikat ang araw ay mas magiging magaan na ang lahat.

Ngunit sa kaibuturan ko, alam kong hindi iyon ganoon kadali. Ang damdaming pilit kong nilalabanan ay parang alon na tahimik kapag tinitigan, ngunit kapag nilapitan, may hatak na hindi ko maipaliwanag. At doon, sa gitna ng panalangin at pagod, naramdaman kong muling tumulo ang luha. Hindi dahil sa kahinaan, kundi dahil sa katotohanang kahit anong pilit kong umiwas, may bahagi ng puso kong ayaw kumalas.

Maaga akong nagising kinabukasan. Ang paligid ay tila bagong isinilang, ang hamog ay nakakapit pa sa mga dahon, at ang langit ay may manipis na kulay rosas na unti-unting nagiging bughaw. Tahimik pa ang lahat, maliban sa mga ibong nagbubungad ng araw.

Lumabas ako ng quarters, dala ang aking tasa ng kape. Umupo ako sa may gilid ng kampo, malapit sa dalampasigan. Ang hangin ay malamig, ngunit may kung anong ginhawang dala. Marahan kong sinubukang iayos ang aking sailir, isip, ang damdamin, ang paningin na pilit kong itinutok sa malayo.

“Maaga ka ngayon.” Napalingon ako. Si Nathanael. Suot pa rin niya ang parehong jacket na ginamit niya kahapon na medyo gusot, pero sa kanya, tila laging ayos tignan.

“Hindi kasi ako makatulog,” sabi ko, sabay ngiti kahit pilit. Tumango siya at naupo sa tabi ko, hindi kalayuan pero hindi rin sobrang lapit. Wala kaming sinabing anuman sa loob ng ilang sandali. Tanging alon lang ang maririnig, dumadampi sa mga bato.

“Maganda rito kapag ganitong oras,” sabi niya, marahang huminga. “Tahimik. Parang ang linaw ng lahat.”

“Kung minsan,” tugon ko, nakatingin pa rin sa dagat, “Ang linaw ang mas nakakatakot. Kasi kapag malinaw, wala ka nang matatakbuhan.” Ramdam ko ang paglingon niya sa akin. Hindi ko siya tiningnan pabalik, pero ramdam ko ang mga mata niyang nagmamasid.

“Hindi mo kailangang tumakbo, Kael,” mahina niyang sabi. “Minsan, sapat na ang manatili.” Hindi ko alam kung paano ako makakasagot doon. Ang damdamin kong pinipigilan kagabi ay biglang bumalik, parang hangin na muling bumugso. Kaya sa halip na sumagot, ininom ko na lang ang natitirang kape ko at marahang tumayo.

“May kailangan pa akong ayusin para mamaya,” sabi ko. “Magkita na lang tayo sa session.” Tumango lang siya, hindi na nagsalita. Ngunit bago ako tuluyang makalayo, narinig kong muli ang kanyang tinig, halos pabulong.

“Kael… sana hindi mo ako iwasan.”

Napatigil ako saglit, pero hindi na ako lumingon. Baka kasi kapag ginawa ko yon, hindi ko na alam kung hanggang saan ko kayang magpigil.

KABANATA XXV

Tanghali na nang magsimula kaming maghanda para sa session. Ang kapilya ay masiglang napuno ng mga tao, at sa bawat ngiti nila ay naroon ang dahilan kung bakit kami narito upang magbahagi ng pag-asa at salita ng Diyos. Pinaaga na rin naman ngayon dahil ilang araw na lang din ang aming ilalagi sa lugar na ito. Hindi na rin kami nagsagawa ng bible lesson sa mga bata ngayon dahil naghahanda na rin kami sa mas malaki pang aktibidad at recognition para sa mga ito.

Si Micah ang presider ngayon, habang ako naman ay nakatalaga sa materials. Si Nathanael, gaya ng nakasanayan, ang tagapagsalita para sa banal na mensahe.

“Kael, pwede mo bang ayusin ’yung mga handout sa mesa?” tanong ni Micah habang inaayos ang mic.

“Oo,” sagot ko, sabay lapit sa harapan. Habang nakayuko ako’t inaayos ang mga papel, naramdaman kong dumaan si Nathanael sa likuran ko hindi ko man siya tiningnan, ramdam ko ang banayad na paghinga niya, at ang sandaling pagtigil bago siya tuluyang lumakad papunta sa entablado. Pinilit kong huwag pansinin iyon.

“Magandang tanghali po sa ating lahat,” bungad ni Nathanael, malumanay ang tinig na may lakas ng pananalig. “Bago po tayo magsimula, nais ko pong ipaalala na ang bawat araw ay biyaya na isang pagkakataong muling maramdaman ang pag-ibig ng Diyos.”

Tahimik ang lahat. Ang boses niya ay may kakaibang lambing na tila laging nakakaabot sa puso. At ako, habang nakatayo sa gilid, ay muling nakaramdam ng pamilyar na paghila ng damdamin na isang pakiramdam na ayaw ko nang maramdaman, ngunit naroon pa rin, buhay at matindi.

“Kung minsan,” patuloy niya, “may mga bagay tayong gustong unawain agad, ngunit pinipili ng Diyos na ipakita iyon sa tamang oras. Hindi lahat ng hindi natin maipaliwanag ay kailangang tanungin agad na minsan, sapat na ang manahimik at maghintay.” Tumama ang mga salitang iyon sa akin. Napalingon ako, at doon ko siya nakita na nakatingin sa akin habang binibigkas ang huling linya. Hindi matagal, ngunit sapat para maramdaman ko na alam niyang ako ang tinutukoy.

“Kael,” bulong ni Micah, “ayos ka lang? Parang namumutla ka.”

Napakurap ako at napangiti ng bahagya.

“Ayos lang. Mainit lang siguro.”

Ngunit sa loob-loob ko, hindi init ng tanghali ang dahilan. Ang bawat salitang binitiwan ni Nathanael ay tila panibagong dagok sa mga pader na pilit kong itinatayo.

At nang matapos ang session, habang abala si Micah at Levi sa pakikipag-usap sa mga tao at pamimigay ng pananghalian, si Nathanael naman ay tahimik lang sa gilid, pinupunasan ang sariling pawis at pinaglalaruan ang takip ng bote ng tubig.

Isang sandali lang kaming nagkatinginan. Walang salita. Walang ngiti. Ngunit sa mga mata niya, may halong pagod, lungkot, at isang tanong na hindi niya kailangang banggitin. Umiiwas ako. Ngunit sa bawat pag-iwas ko, pakiramdam ko ay mas lalong lumalapit ang mundo sa pagitan naming dalawa.

Gabi na. Tahimik na ang paligid. Ang liwanag ng buwan ay marahang bumabalot sa kapilya, habang ang malamig na hangin ay dumadaan sa mga dahon ng niyog. Katatapos lang ng session. Karamihan ay nag-uwian na, at ang iba naman ay abala sa pagliligpit. Ako ay nanatili sa loob, inaayos ang mga upuang naiwan.

Ang bawat kaluskos ng kahoy ay parang tunog ng sarili kong isip na paulit-ulit, magulo, at walang kasiguruhan kung kailan titigil.

“Kael.” Mahina, ngunit malinaw. Lumingon ako. Si Nathanael. Nasa may pinto, tangan ang bote ng tubig, may bahagyang ngiti sa labi pero halatang may gusto sanang sabihin.

“Late ka na rin. Hindi ka pa ba magpapahinga?” tanong ko, pilit na kalmado habang pinupunasan ang mesa.

“Hindi pa rin inaantok,” sagot niya, sabay lakad papasok. “Gusto ko lang… magpasalamat. Sa pagtulong mo kanina.”

Ngumiti ako. “Wala yon, hindi mo kailangang magpasalamat. Trabaho lang naman natin iyon.” tugon ko habang abala kunyari sa ginagawa, hindi lang mapunta sa kaniya ang mga mata.

“Alam kong higit pa ro’n,” tugon niya, marahang inilapag ang bote sa mesa. “Kanina, habang nagsasalita ako… parang ang daming gusto kong sabihin, pero hindi ko magawa.” Tumaas ang pintig ng puso ko.

“Siguro dahil pagod ka lang,” sabi ko, sabay talikod para umiwas sa tingin niya. Tahimik. Ilang sandali bago siya muling nagsalita.

“Kael… bakit mo ako iniiwasan?”

Napakapit ako sa gilid ng mesa, pilit pinapakalma ang sarili.

“Anong sinasabi mo?” maang na balik na tanong ko kahit alam ko, rinig ko, at klaro sa pandinig ko ang tanong niyang iyon ay mas pinili kong magmaang-maangqn.

“Alam mo kung ano,” sagot niya, halos pabulong. “Noong mga nakaraang araw, parang may pader sa pagitan natin. Ayoko naman pilitin, pero ang hirap na rin magpanggap na parang wala.” Huminga ako nang malalim, pilit pinipigil ang nanginginig na tinig.

“Hindi kita iniiwasan, Nath. Siguro… kailangan ko lang ng oras. Para ayusin kung ano man tong… nararamdaman ko.” Doon siya natahimik. Lumapit ng kaunti, hanggang sa halos marinig ko ang mahinang tibok ng kanyang dibdib.

“Hindi mo kailangang mag-isa diyan, Kael,” sabi niya. “Hindi mo kailangang labanan nang mag-isa.” Saglit akong pumikit. Sa sandaling iyon, ramdam ko ang init ng hangin sa pagitan naming dalawa sa isang distansyang napakalapit, pero hindi puwedeng tawirin.

“Baka kailangan ko,” mahina kong sagot. “Para hindi ako tuluyang maligaw.” Sandaling katahimikan. Hanggang sa marinig ko siyang marahang huminga, sabay sabing,

“Kung ganon… hihintayin ko.”

Paglingon ko, nakatingin lang siya sa akin, walang tanong, walang pakiusap, kundi tapat na pangako. At bago pa ako tuluyang mabuwag, siya na mismo ang unang lumabas ng kapilya, tahimik, ngunit nag-iwan ng bigat na hindi ko na muling kayang itanggi.

Naiwan akong nakatayo roon, mag-isa. Ang ilaw ng buwan ay dumadaloy sa sahig ng kapilya, at sa katahimikan ng gabing iyon, muling bumigat ang dibdib ko. Hindi dahil sa takot kundi dahil sa pag-asang hindi ko alam kung dapat ko bang tanggapin o takbuhan.

Lord, kung dito man po magtatapos ang pagitan sa amin ni Nathanael. Nais ko pong ikaw na mismo ang magpaunawa sa kaniya dahil wala po akong lakas na magsabi sa kaniya. Alam ko pong alam niyo na nilabanan ko ito, ngunit sa paglaban kong iyon ay nauwi ako sa ganito kata humihingi po ako ng tawad dahil mukhang nabigo po ako.

KABANATA XXVI

Maaga akong nagising kinabukasan. Ang hangin ay malamig pa, at ang unang liwanag ng araw ay dumaraan sa siwang ng bintana. Tahimik ang paligid, tila pati mga ibon ay nag-aalangan pang umawit.

Naghanda ako ng kape sa mesa, pero habang sinusubukan kong uminom, parang may kung anong nakabara sa lalamunan ko. Hindi dahil sa pait ng kape, kundi sa alaala ng kagabi. Ang mga salitang “Hihintayin ko” ay paulit-ulit na umuukit sa isip ko.

Paglabas ko ng kwarto, nadatnan ko sina Micah at Levi sa labas, nag-aayos ng mga kagamitan para sa mga bata. Habang ang iba pa naming kasama ay abala rin.

“Kael, tulog pa si Nath?” tanong ni Levi, hindi man lang lumilingon. Umiling ako. “Hindi ko alam, hindi naman kami magkasama. Baka maaga rin siyang gumising.” tugon ko. Tahimik. Walang gustong magsalita. Kahit si Micah, na karaniwang maingay, ay parang nagpipigil ng mga tanong. Ramdam ko at alam nilang may kakaiba. Pagdating namin sa maliit na kubo kung saan nagaganap ang mga aktibidad ng mga bata, naroon na siya. Si Nathanael.

Nakaupo sa lilim ng puno, may hawak na kwaderno, abala sa pagsusulat. Dati, kapag ganito ang eksena, siya ang unang bumabati. Ngayon… Tumingin lang siya sandali, bahagyang ngumiti, at muling ibinalik ang tingin sa papel.

“Good morning,” mahinang bati ko, halos pabulong.

“Morning,” mabilis niyang tugon, magalang, pero may distansya. At doon ko naramdaman na siya naman ngayon ang umiiwas. Hindi dahil sa galit, kundi dahil nauunawaan niya ako.

Dahil sinusunod niya yong mismong linyang ako ang humila kagabi. Habang pinagmamasdan ko siyang magturo sa mga bata, napansin kong mas masigla siya kaysa dati pero alam kong may pilit sa ngiti niya. Tulad ko, marahil ay tinatago rin niya ang bigat ng pag-iwas.

Sa gitna ng tawanan ng mga bata, ang mga mata naming dalawa ay minsang nagtagpo. Walang salita. Walang ngiti. Pero sapat na iyon para magising muli ang tibok ng pusong pinipilit kong patahimikin.

“Kael,” tawag ni Micah, sabay abot ng notebook. “Pwede ka bang magkwento mamaya sa hapon?” Sandaling tumigil ang oras. Ang eksenang iniiwasan ko ay muling bumalik. Tumingin ako kay Nathanael. At sa unang pagkakataon, siya naman ngayon ang hindi lumingon.

Ang araw ay marahang lumulubog, pinapalamutian ng gintong liwanag ang paligid ng kubo. Ang mga bata ay nagsisiksikan sa bilog na banig, sabik sa susunod na kwento. At ako nakaupo sa gitna nila, hawak ang kwaderno, pilit na kalmado.

“Si Kuya Kael po ngayon!” sigaw ng isa, sabay palakpak ng mga bata. Napatingin ako kay Micah na abala sa pag-aayos ng mga laruan, habang si Levi naman ay ngumingiti mula sa malayo. Wala akong kawala. Huminga ako nang malalim.

“Okay…” sabi ko, pilit na pinapantay ang boses. “Ang kwento ko ay tungkol sa… isang ibon na natutong lumipad nang mag-isa.” Tahimik ang mga bata. Maging ako, hindi ko alam kung saan patutungo ang kwentong ito. Pero habang nagsasalita ako, unti-unti kong naramdaman na parang ako yong ibon.

“May isang ibon,” simula ko, “Na sanay na sanay lumipad kasama ang kanyang kaibigan. Lagi silang magkasabay. Lagi silang nagtutulungan. Pero isang araw, napansin ng ibon na masyado na siyang umaasa… kaya pinili niyang lumipad nang mag-isa. Hindi dahil ayaw na niya sa kaibigan niya, kundi dahil gusto niyang matutong lumipad sa sarili niyang paraan.” Habang sinasabi ko iyon, hindi ko maiwasang sulyapan ang dulo ng bakuran. At doon ko siya nakita. Si Nathanael. Nakatayo sa lilim ng puno, nakahalukipkip, nakatingin lang. Tahimik, pero buo ang tingin.

“Pero kahit gaano kataas lumipad ang ibon,” pagpapatuloy ko, “hindi niya maiwasang mapatingin pa rin sa langit kung saan una silang magkasamang lumipad.” Isang batang babae ang nagtaas ng kamay.

“Kuya Kael, bumalik po ba siya sa kaibigan niya?” Napangiti ako, kahit ang lalamunan ko ay tila kumikirot.

“Hindi ko alam,” sagot ko. “Siguro… hindi pa oras. Minsan kasi, kailangang lumayo muna bago muling bumalik. Para kapag nagkita ulit, pareho na silang marunong lumipad.” Tahimik ang paligid. Walang bata ang umimik, para bang naintindihan nila ang kwento sa paraang hindi nila inaasahan. At nang tumingin ulit ako sa direksyon ng puno, wala na siya roon. Parang hangin lang na dumarating, nawawala, pero palaging naroroon.

Kinagabihan, habang nag-aayos kami ng gamit, ramdam kong mabigat ang hangin. Hindi dahil sa pagod, kundi dahil sa mga salitang hindi nasabi.

“Kael,” mahinang tawag ni Micah, “okay ka lang ba?” Tumango ako, sabay ngiti.

“Okay lang. Siguro… kailangan ko lang matutong huminga ulit.” pagdadahilan ko.  At sa labas, sa ilalim ng mga bituin, maririnig mo ang marahang tunog ng gitara na pamilyar, kalmado, ngunit puno ng damdamin. Hindi ko kailangan lumabas para malaman kung sino ang tumutugtog dahil alam ko na kung sino ang gumagawa non.

Kinain na ng kadiliman ang kaninang liwanag. Tahimik ang paligid, at tanging mga kuliglig lang ang maririnig sa damuhan. Ang mga bata ay mahimbing nang natutulog, habang sina Micah at Levi ay abala pa sa pag-aayos ng natitirang gamit.

Hindi ako makatulog. Kaya kinuha ko ang aking notebook at lumabas ng quarters. Ang hangin ay malamig, may dalang amoy ng alat at damo. Sa di kalayuan, naririnig ko ang mahinang pagtunog ng gitara. Hindi ko kailangang hulaan kung kanino iyon. Lumakad ako patungo sa liwanag ng maliit na lamparang nakasabit sa sanga ng puno.

Naroon siya, si Nathanael, nakaupo, hawak pa rin ang gitara. Tahimik lang siyang tumutugtog ng himig na pamilyar ang parehong kantang tinugtog niya noong umaga.

“Hindi ka pa natutulog,” sabi ko, mahinang boses. Napatingin siya, bahagyang ngumiti.

“Ikaw rin,” sagot niya. “Hindi ka pa rin siguro mapakali.” Umupo ako sa kabilang dulo ng bangko, katulad noong umaga.

“Parang ang bilis lang ng dalawang  linggo.” Tumango siya, marahang tumugtog muli.

“Ganon talaga. Pero minsan, kahit sandali lang, may mga lugar o tao na parang kaya nang baguhin ang pananaw mo sa buhay.”

Tahimik ako. Ang bawat salita niya ay tila may tinutukoy  at alam kong hindi lang ito tungkol sa isla.

“Mabigat ba?” tanong niya bigla. Napatingin ako sa kanya.

“Ang alin?” balik tanong ko sa kaniya, nagkukunyaring hindi alam kung ano ang pinahihiwatig niya.

“’Yung pagpilit na maging maayos kahit ang dami mong gustong sabihin.”

Bumagsak ang tingin niya sa gitara, sabay ngiti. “Kasi minsan, sa sobrang ingat natin, nakakalimutan na nating huminga.” Hindi ko agad nasagot. Sa halip, tiningnan ko lang ang bituin sa itaas  tila mas maliwanag kaysa dati.

“Siguro nga,” sabi ko sa huli. “Pero minsan din kasi, yung pananahimik, yon na lang ang natitirang paraan para hindi makasakit.” Tumigil siya sa pagtugtog. Sa unang pagkakataon, nagtagpo ulit ang mga mata namin  nang walang pader, walang pilit. Tanging pag-unawa lang.

“Minsan,” mahina niyang sabi, “ang pananahimik din ay isang paraan ng pagmamahal.” At bago pa ako makasagot, marahan niyang tinugtog muli ang gitara. Hindi na kami nagsalita. Hinayaan lang naming magsalita ang musika mga himig na tila nagsusulat ng mga salitang hindi namin kayang bigkasin.

At sa gabing iyon, habang ang hangin ay marahang dumadaloy sa pagitan naming dalawa, alam kong kahit hindi pa namin sabihin ngunit ramdam ko sa pagkakataong ito ang pareho naming naramdaman.

Hanggang kailan tatagal ang katahimikan bago tuluyang sumabog ang lahat?

KABANATA XXVII

Lumipas ang buong gabi nang hindi ako nakatulog. Tahimik ang paligid pero ang isip ko, parang gising na gising. Paulit-ulit kong naririnig sa loob ng ulo ko ang mga boses, mga alaala, mga tanong na walang kasagutan. Sa bawat pag-ikot ng orasan, lalo kong naramdaman ang bigat sa dibdib na para bang may kung anong mabigat na nakapatong sa konsensya ko.

Hindi ko alam kung ilang beses akong napabuntong-hininga, pero sa bawat hinga, may kasamang pagsisisi. Nagnilay-nilay ako at hindi lang sa mga nagawa kong mali, kundi pati sa mga hindi ko nagawa. Doon ko napagtanto na may mga pagkakataong naging manhid ako. Sa mga bata, sa mga kasama ko sa gawain, at higit sa lahat, kay Nathanael.

Mabigat. Lalo na sa tuwing naiisip ko siya. Kasi alam kong may nararamdaman ako na hindi ko dapat nararamdaman. At ang mas nakakatakot ay ramdam kong ganon din siya. May mga sandali kasi na nagtatama ang mga mata namin at parehong natatahimik ang mundo. Wala kaming sinasabi, pero para bang pareho naming alam.

At doon ako natatakot. Natakot ako hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa kanya. Baka dahil sa akin, malihis din siya ng landas. Baka sa halip na maging instrumento ako ng pananampalataya, ako pa ang maging dahilan ng pagkasira ng isang kaluluwa. Kaya’t may tanong akong paulit-ulit na bumabalik. bibitawan ko ba siya? O hahawakan ko pa rin ang koneksyong ito na baka naman may dahilan kung bakit binigay sa amin ni Lord? Hindi ko alam. Kaya’t tumayo ako at huminga nang malalim. Lumapit ako sa gilid ng kama, yumuko, at ipinikit ang mga mata.

“Lord…” mahina kong sambit. “Maraming salamat po sa paggising Ninyo sa akin. Sa pagmulat Ninyo sa mga bagay na matagal ko nang tinatanggihan. Patawad po kung ngayon ko lang ito naintindihan, kung ngayon ko lang tinanggap na may mali sa mga naging desisyon ko.” Napahinga ako nang malalim, pilit pinapakalma ang sarili.

“Panginoon, hindi ko po alam kung anong tama. Kung dapat ko bang ilayo ang sarili ko o manatili akong nandito na kahit masakit, kahit mahirap. Baka po kasi, sa paglayo ko, mas makilala ko Kayo. Pero baka rin naman, sa pananatili ko, may dahilan Kayo na hindi ko pa nauunawaan.” Tumulo ang luha ko nang hindi ko namamalayan.

“Gabayan nyo po ako, Lord. Ayokong maging dahilan ng pagkaligaw ng iba, lalo na ni Nathanael. Kung mali po ito, turuan Ninyo akong huminto. Pero kung may aral Kayong gustong ipakita sa amin, tulungan Ninyo akong makita iyon nang malinaw. Hindi ko po kaya nang mag-isa.” At sa gitna ng katahimikan, doon ko lang naramdaman ang kaunting gaan. Hindi dahil tapos na ang lahat, kundi dahil alam kong narinig Niya ako.

Maaga akong nagising. Hindi ko alam kung dahil sa liwanag ng araw o dahil sa bigat ng desisyong kailangan kong harapin, pero iba ang pakiramdam ko. Tahimik pa ang paligid, at ang hangin ay malamig. Pero sa loob ko, parang may bagong simula. Habang naghahanda ako, ramdam ko pa rin ang kaba. Hindi ko alam kung paano ako haharap sa kanila, sa mga bata, sa mga kasamahan ko, lalo na kay Nathanael. Pero ang alam ko lang, kailangan ko nang itama ang mali. Hindi sapat ang pagsisisi kung mananatili lang sa loob. Kailangang makita nila, maramdaman nila, at higit sa lahat, kailangan kong iparamdam sa Panginoon na seryoso ako sa pagbabago.

Paglabas ko ng kwarto, una kong nakita si Nathanael. Tahimik siyang nag-aayos ng gamit sa may mesa, nakatungo, tila malalim ang iniisip. Sandali akong natigilan. May kung anong bumigat ulit sa dibdib ko at hindi dahil sa hiya, kundi dahil sa takot na baka iba na ang tingin niya sa akin. Pero hindi na ako umatras. Lumapit ako nang dahan-dahan.

“Good morning,” mahina kong bati. Nag-angat siya ng tingin. Sandali kaming nagkatinginan. Walang salita, pero ramdam ko ang pag-aalangan sa pagitan namin. Kaya ako na ang naunang nagsalita.

“Nathanael… gusto kong mag-sorry.”

Napakunot ang noo niya, pero tahimik pa rin siyang nakatingin sa akin.

“Alam kong naging mailap ako nitong mga nakaraang araw. Alam kong may mga nasabi akong hindi maganda, at may mga pagkakataong hindi ako naging mabuting kasama. Patawad.”

Walang tugon, pero hindi rin siya umiwas. Kaya itinuloy ko.

“Gusto kong bumawi. Hindi lang sa’yo, kundi sa lahat. Gusto kong magsimula ulit sa tama.” Narinig kong may bahagyang paghinga mula sa kanya, at sa unang pagkakataon matapos ang mga nangyari, nakita kong bahagyang lumambot ang ekspresyon niya. Tumango siya nang marahan.

“Okay,” mahina niyang sagot. “Lahat naman tayo natututo.” At doon ako napangiti, kahit kaunti lang. Parang may nabunot na tinik sa dibdib ko.

Pagdating sa session namin kasama ang mga bata, ako na ang unang nagsimula. Ako ang nag-aya ng dasal, ako ang nagbukas ng lesson, ako ang unang ngumiti. Hindi pa man perpekto, pero alam kong unti-unti akong binabago ni Lord.

“Si Kuya Kael po ang magkukwento?” tanong ni Jamica kay Micah at tango lamang ang natanggap niyo. Agad na bumalatay ang ngiti sa kanilang labi.

“Yeheyyy!!” sigaw ng mga bata. Nagulat ako sa naging reaksyon nila. Hindi ko iyon inaasahan. May iba pa na lumapit sa akin at yinakap ako. Hanggang sa ang lahat ay lumapit sa akin at yumakap din.

Ramdam ko ang init ng kanilang yakap, sa pagkakataong ito ay nakaramdam ako ng kapayapaan. Hindi ko alam ngunit biglang tumulo ang luha ko na agad ko ring pinunasan.

“Kuya Kael, nagtatampo po kami sa iyo.” nakanguso pang sambit ni Jamica. Ramdam ko ang pagtatampo base sa kaniyang tinig. Napangiti ako. At saka siya kinarga.

“Bakit naman ikaw magtatampo kay kuya Kael?” nakangusong tanong ko at pinisil pa ang kaniyang ilong.

“Kasi po ilang araw na po kayong hindi nagkukwento sa amin. Madalas po namin kayong makitang nakatulala o kaya po ay mag-isa.”   sa sinabing iyon ni Jamica ay natigilan ako. Hindi ko alam na pati ang mga batang ito ay nakita kung paano ako naguluhan sa sarili ko.

Lord, patawarin niyo po ako kung hindi ko po agad nakita ang liwanag mula sa mga batang ito. Patawad po kung sarili ko lang ang iniisip ko. Patawad po kung huli ko nang napagtanto na ang liwanag na hinahanap ko ay narito lang pala at naghihintay sa akin upang mahagkan ko. Sa inyo ko na po inilalapit ang aking paghingi ng patawad para sa mga batang ito. At kayo na po ang bahalang iparamdam sa kanila ang pagsisisi ko.

Habang nagtuturo ako, napansin kong nakatingin si Nathanael mula sa malayo ngunit hindi na katulad ng dati, hindi na puno ng alinlangan. May tahimik na paggalang, may tiwala. At doon ko naramdaman na baka nga, kapag pinili mong itama ang mali, hindi mo lang binabago ang sarili mo kundi binibigyan mo rin ng daan ang iba para maniwala ulit.

Pagkatapos kong simulan ang session, habang ang mga bata ay nakikinig at sumasagot sa mga tanong, napansin kong tahimik na nakatayo si Nathanael sa gilid. Hindi siya nakikialam sa mga bata, ngunit ramdam ko ang presensya niya hindi kagaya ng dati, na parang may laging pagdadalawang-isip.

“Gusto mo bang tulungan ako sa activity?” tanong ko sa kanya, pilit malumanay, hindi alam kung tatanggapin niya agad. Tumango siya nang marahan.

“Sige,” sagot niya, may kaunting ngiti. Habang nag-aasikaso kami sa mga bata, nagbibigay ng lapis, nagpapaliwanag ng mga gawain ay unti-unti kong naramdaman ang dating kilig na kasabay ng pagkakaintindihan namin. Pero iba na ito ngayon dahil may kalmadong respeto, may tamang distansya, at higit sa lahat, may tiwala na hindi pa sigurado pero nagsisimula nang bumuo.

“Kael,” bulong niya nang may pagkakataon, “ang galing mo naman sa mga bata.”

“Salamat,” sagot ko, may bahagyang ngiti, “pero mas magaling ka rin kapag kasama ka nila.” Hindi na siya ngumiti nang malaki, pero may bahagyang pagluwag sa kanyang mata. Para bang sinasabi nito na okay lang, hindi ko na kailangan itago ang nararamdaman ko para lang sa tama.

Habang lumalapit ang pagtatapos ng session, nakita kong mas relaxed na ang mga bata at mas coordinated na kami ni Nathanael. Hindi pa man perpekto, ngunit ramdam ko dahil kahit may nakaraang pagkakamali at takot, may bagong simula pa rin. At sa pagkakataong iyon, alam ko na  sa pamamagitan ng paggawa ng tama at pagiging tapat, nakabuo kami ng maliit na liwanag sa gitna ng nakaraang kalituhan.

KABANATA XXVIII

Kinagabihan ay naging aktibo rin ako. Nakita ko rin ang pagngiti nina Levi at Micah. Nginitian ko rin sila dahilan upang mas gumaan ang aking pakiramdam. Hindi ko man masabi sa kanila ang aking paghingi ng tawad, alam kong nararamdaman naman nila ang aking kalooban.

“Bago po tayo magtungo sa ating huling talakayin para sa ating leksyong pangkalusugan, nais ko po muna kayong batiin sapagkat-” naputol ang pagsasalita ni Lois nang biglang magcrack ang kaniyang boses. Sa pagkakataong ito ay binalot ng lungkod ang aming paligid. Ang alon na nagmumula sa dagat ay tila nakisabay sa aming nararamdaman.  “I-Ito na po ang huli nating session. Gustuhin pa man po naming pahabain pa ang araw ngunit sadyang napakabilis po talaga ng araw. Kaya kami po ay nagpapasalamat dahil sa mainit po na pagtanggap ninyo sa amin sa kabila.” emosyonal na  dagdag ni Lois. Kita ko rin ang luha sa mga mata nina Gia, Micah, at Zion. Nakaramdam naman ako ng haplos dahil sa loob ng dalawang linggo ay naging parte rin sila ng aking paglago.

Natapos nang maayos ang leksyon ni Lois tungkol sa Charcoal poultice, at tungkol sa blood sugar. Ngayon ay nakatayo si Nathanael sa harap. Pormal at diretso ang pagkakatayo. Tinignan ko ang kabuoan niya, kahit matayog ang kaniyang postura, ang kaniyang mga mata ay hindi marunong magsinungaling. Makikita mo rito ang pinaghalong, lamya, lungkot, at tuwa. Hindi ko alam kung papaano niya nagagawa iyon pero iyon ang mga emosyong nababasa ko sa mga mata niya.

Nag-umpisa siya sa panalangin, at natapos din sa panalangin. Nagsitayuan ang mga tao at agad na nagsilapitan kay Nathanael at ginawaran ito ng yakap.

May iba na tumatangis, may iba na malungkot, ngunit sa kabila nito ay may naiwan si Nathanael na mahalagang bagay. Ang pagmamahal at pagkilala sa ating diyos. Nang una ay kinukwestyon ko pa ang sariling pananaw kung paanong matatanggap ng tao ang Diyos gayong iba ang kanilang nakasanayan, at doon ko nga nakita ang tiwala ni Nathanael sa panginoon.

Hindi ko namalayan na napangiti ako. Doon ko napagtanto na kailangan ko lang magtiwala. Salitang madalas kong sinasabi sa iba, ngunit miski ako ay hindi maunawaan ito.

Umiwas ako ng tingin, ngunit agad na kumabog ang puso ko nang magtama ang mga mata namin ni Nathanael. Kita ko ron ang saya at pagtanggap. Ngunit sa pagkakataong ito ay nagkaroon ako ng agam-agam. Muli na naman akong kinakain ng takot ko. Wala ito sa pakay ko. Wala sa akin na baguhin ang isang tao, dahil hindi maaatim ng aking kunsensya kung ang isang taong tuwid ay aking nalihis.

Pagkatapos ng huling session, sabay kaming lumabas ni Nathanael palabas ng iglesia. Ang hangin mula sa dagat ay banayad, dala ang malamig at maalinsangang amoy ng tubig. Tahimik kami sa simula, ngunit ramdam ko ang presensya niya sa tabi ko, isang presensya na dati’y nakakatakot, ngayon ay nagdudulot ng kakaibang kapanatagan.

Habang naglalakad, napansin kong bahagyang napapalingon siya sa akin sa tuwing may batang natatawa o nagkakamali. Hindi niya ito sinasadya, ngunit ramdam ko ang pag-aalala at pag-aalaga sa maliit na bagay sa isang simpleng gesture, ngunit sapat para kumaba ang tibok ng puso ko.

“Kael,” mahina niyang bulong, “ang galing mo talaga sa kanila ngayong hapon. Parang… iba ka.” Napangiti ako nang bahagya, hindi masyadong malaki, ngunit ramdam ko ang init sa dibdib.

“Salamat… mas magaan kapag kasama ka,” sagot ko, may kaunting ngiti, ngunit hindi diretsong sinabi ang ibig kong ipahiwatig. Alam naming pareho ang mensahe sa pagitan ng mga linya.

May sandali na nagtagpo ang aming mga kamay na hindi sinasadya, bahagyang haplos lamang. Hindi kami umatras, ngunit hindi rin nagpatuloy nang masyado. Parang may tahimik na mensahe na nararamdaman namin ito, ngunit alam naming mas mahalaga ang mission sa ngayon.

Tumigil kami sa gilid, huminga ng malalim. Sa kanya, nakita ko ang pag-unawa, ang pagtanggap, at may bahagyang ngiti na parang nagsasabing: okay lang, hindi mo kailangang itago ang nararamdaman mo.

“Salamat, Nathanael,” bulong ko, halos hindi marinig, ngunit alam kong narinig niya. Tumango siya nang marahan. Hindi pa man kami handang pag-usapan ang nararamdaman namin, ramdam ko na may maliit na liwanag sa pagitan namin isang pangakong unti-unti naming mauunawaan, kapag tama na ang panahon.

Nang makarating sa aming quarter ay nilapitan ako ni Levi. Kaming dalawa pa lang ang narito dahil mukhang nasa kubo pa sina Rommel at Zion.

“Kael, pwede ba kitabg makausap?” panimula niya at ngumiti naman ako bilang pagtugon. “Nagagalak ako sapagkat muli mong nakita ang sarili mo.” dagdag niya, straightforward at wala nang pag-aalangan. Natigilan ako ron ngunit hindi ko ipinahalata. “Matagal. A kitang gustong kausapin dahil nakikita kong hindi ka ok. Nitong nga nakaraan kasi ay hindi ko nakikita sa iyo ang Kael na una kong nakilala. Wala sa iyo ang Kael na matapang at matatas. Gustuhin man kitang kausapin ngunit mas pinili kong ibigay sa iyo ang mga sandali upang hanapin mo muli ang iyong sarili. Ipinagdarasal ko rin na sana ay makita mo na ang liwanag sa puso mo na mukhang napundi nang panandalian. Kaya ngayon ay natutuwa ako dahil mukhang mayroon na muling liwanag jan sa puso mo.” hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Masyadong tumatak sa puso ko ang mga sinabi ni Levi. Sa pagkakataong ito ay nakaramdam ako ng kirot at guilt. Hindi ko namalayan ang malasakit ng nasa paligid ko. Sa pagkakataong ito ay tumulong muli ang luha ko.

“H-Hindi ko alam ang sasabihin ko.” garagal ang boses na sambit ko. Yinakap niya ako at doon ko nakaramdam ng kaunting kapayapaan. Sa balikat ni Levi ako tumangis. Hindi ko alam kung saan iyon nagmumula ngunit doon. nakita ko ang sarili na mahina.

Lord, maraming maraming salamat po, hindi ko po alam kung ano po ang nagawa kong mabuti para ibigay mo sa akin ang kaibigang katulad ni Levi. Patawad po Lord kung naging makasarili ako.

“S-Sorry,” paghingi ko ng tawad. Tinapik niya lang ang aking likod at sinsabi na hindi ko kailangang humingi ng patawad. Hindi ko alam kung ilang minuto ang itinagal namin doon, ngunit sa pagkakataong ito ay gumaan ang loob ko.

KABANATA XXIX

Mabilis lumipas ang mga araw. Parang kahapon lang, kabado pa akong humarap sa mga bata. Ngayon, tapos na ang misyon namin dito. At kahit dapat ay magaan sa pakiramdam dahil naging maayos naman ang lahat, may kakaibang lungkot na sumasabay sa bawat pagbangon ko tuwing umaga. Sumikat ang haring araw, ang lahat ay abala na sa kanilang mga ginagawa. Naghahanda na kami ngayon para sa nalalapit na recognition para sa mga bata at matatanda.

Maagang nagising ang buong lugar. Ang mga ibon ay tila mas maagang nagkantahan, at ang mga alon ay marahang humahaplos sa pampang. Ang hangin ay malamig ngunit magaan, na para bang alam din nitong may pagtatapos na nag-aabang.

Ngayon ang huling araw namin sa isla. Isang araw ng pasasalamat ngunit sa kabila ng mga ngiti, may mga matang hindi maitago ang lungkot.

Habang nag-aayos ako ng mga materyales para sa umaga, dumaan si Micah, may bitbit na mga papel.

“Kael, ikaw muna sa opening prayer mamaya, ha? Huling session na kasi,” sabi niya, nakangiti pero halata ang pagod sa boses. Tumango lang ako. “Sige. Gagawin ko.” Si Levi ay abala sa projector, habang si Nathanael naman ay nag-aayos ng upuan sa loob ng kapilya.

Tahimik lang siyang kumikilos, ngunit bawat galaw niya ay puno ng pag-iingat, parang ayaw niyang matapos ang ginagawa niya.

Pagkapasok ng mga tao, naroon na ulit ang mga ngiti ngunit iba na ngayon. Hindi na ito ’yong masiglang ngiting tulad ng unang araw. Ngayon, ito’y mga ngiti ng mga taong natutong magmahal at matutong magpaalam.

“Magandang umaga po sa ating lahat,” panimula ni Micah. “Ngayon po ay ang huling araw ng ating Bible session dito sa isla, at bago po tayo maghiwa-hiwalay, hayaan nyong muli naming maibahagi sa inyo ang salita ng Diyos na patuloy nating baon sa ating mga puso.” Tumayo ako at lumapit sa unahan. Tahimik ang lahat. Kahit ang mga batang laging maingay ay nakaupo lang, nakikinig.

“Panginoon,” panimula ko, “salamat po sadalawang linggo ng kagalakan, ng aral, at ng pag-asa. Salamat po sa bawat ngiti ng mga bata, sa bawat yakap ng mga magulang, at sa bawat gabing pinuno Ninyo ng liwanag ang aming mga puso.” Napahinto ako sandali, dahil parang may bumara sa lalamunan ko. “Ngayon po, habang kami ay muling maglalakbay, gabayan Ninyo po kaming lahat silang maiiwan dito, at kaming babalik sa aming mga tahanan. Nawa’y patuloy kaming maging ilaw sa kahit saan Ninyo po kami dalhin.”

“Amen, “ sabay-sabay na tugon ng lahat. Pagkatapos ng panalangin, si Nathanael naman ang lumapit sa unahan. Hawak niya ang kanyang Biblia, at marahang nagsalita

“Bago po ako magsimula,” sabi niya, “gusto ko lang pong sabihin… salamat. Sa bawat araw na ipinadama ninyo sa amin ang simpleng saya at tunay na pananampalataya.” Ngumiti siya, ngunit halata ang pagpipigil ng emosyon.

“Ang huling aral po natin ngayon ay tungkol sa pagtitiwala sa plano ng Diyos, kahit hindi natin alam kung saan Niya tayo dadalhin.”

Binuksan niya ang Biblia, at binasa.

“For I know the plans I have for you, declares the Lord — plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.”

Jeremiah 29:11 Tahimik ang buong kapilya. Naririnig ko lang ang banayad na paghinga ng mga tao, at ang mahinang pagkaluskos ng mga dahon sa labas.

“Alam kong mahirap magpaalam,” sabi niya, “pero kung tunay tayong nagtitiwala, alam nating hindi ito ang katapusan. Dahil ang mga aral na ibinahagi natin dito ay magpapatuloy sa bawat isa sa atin.” Tumingin siya sa mga bata. “Kayo ang liwanag ng lugar na ito. Kahit wala kami, kayo ang magpapatuloy ng mga turo ng Diyos sa inyong pamilya.” Narinig kong may batang sumigaw,

“Kuya Nath! Babalik po kayo di ba?”

Ngumiti siya, bahagyang tumingin sa akin, bago muling bumaling sa mga bata.

“Kung kalooban Niya, babalik kami.”

At doon, hindi ko alam kung bakit, pero parang may kirot sa dibdib ko. Hindi ko man lang alam kung bakit napakabigat pakinggan ng salitang “kung.”

Pagkatapos ng huling panalangin ay may ilang sandaling katahimikan. Walang gustong maunang umalis.

Ang mga tao’y naglapitan, nagpasalamat, at isa-isang niyakap si Lois, Micah, si Levi, si Nathanael… pati ako. Isang ina ang lumapit sa akin habang hawak ang kamay ng kanyang anak.

“Salamat, iho. Ngayon lang ulit kami nagkaroon ng ganitong kapanatagan. Parang dumating ulit si Jesus sa aming tahanan.” Ngumiti ako, kahit nangingilid ang luha.

“Siya po talaga ang dumating, Tita. Kami po ay instrumento lang.”

Pagkatapos noon ay lumabas na kami ng kapilya. Nasa labas ang mga bata, may mga bulaklak sa kamay. Isa-isa nilang iniabot iyon sa amin.

Si Micah ay pinagtawanan ng mga bata dahil halos malunod sa dami ng binigay na bulaklak, habang si Levi naman ay pinagtawanan dahil nahulog yung isa at hindi niya mapulot agad.

Ako, isang maliit na batang babae ang lumapit sa akin, may hawak na bulaklak ng gumamela. Ito ay si Jamica.

“Kuya Kael, “ sabi niya, “salamat po kasi tinuruan nyo kami tungkol kay Jesus.” Napakapit ako sa dibdib sa sinabi ni Jamica. Alam kong may pagkukulang ako, ngunit kahit ganoon ay ramdam ko ang bukal ng pag-ibig sa batang ito.

“Salamat din, Jamica. Huwag mong kakalimutan ang mga natutunan mo ha?” Ngumiti siya at tumango, bago tumakbo palayo. Sa gilid, nakita ko si Nathanael, nakayuko, marahang inaayos ang mga gitara. Lumapit ako.

“Ayos ka lang?” Tumingin siya saglit sa akin.

“Oo naman.” tugon niya. Kung ang bibig ay madaling magsinungaling, ngunit ang mga mata niya ang totoong nagsasabui ng totoo. Ngumiti siya, pero alam kong hindi iyon ang ngiti na totoo.

“Ang hirap, no?” sabi ko. “Yung maramdaman mong magiging parte ka ng mundo nila tapos bigla kang aalis.”

“Siguro nga,” mahinang sagot niya. “Pero ganyan talaga ang misyon. Dumarating lang tayo para magtanim. Si Lord na ang bahala kung kailan tutubo.” Hindi ako nakasagot. Sa halip, tumango lang ako dahil alam kong pareho kaming nagtatanim ng mga bagay na hindi dapat tumubo… pero unti-unti nang nag-uugat sa aming mga puso.

Pagsapit ng hapon, nagsimula ang programang inihanda ng mga magulang at mga bata.

May mga kanta, tula, at maikling dula na tungkol sa kabutihan at pananampalataya. Tila buong baryo ay nagtipon upang magpasalamat.

Si Micah ang nagsilbing host, si Levi naman ang photographer. Si Nathanael ay tumugtog muli ng gitara para sa closing song. Ako naman ay tumulong sa pamimigay ng simpleng sertipiko at medalya sa mga bata. Ang saya ng lahat. May halakhakan, may tawanan, pero sa likod ng mga ngiti ay may bahid ng lungkot. Parang bawat yakap ay may dalang, pasasalamat at sana, muli tayong magkita. Pagkatapos ng recognition, nagkaroon ng munting salo-salo. May pansit, tinolang manok, pritong isda, at mga kakanin na galing mismo sa mga bahay ng mga magulang. Simple lang, pero puno ng pagmamahalan.

Nang magpaalam na ang mga bata, isa-isa silang yumakap. May nag-abot ng sulat, may nagbigay ng guhit naming lima. Sa bawat yakap, pakiramdam ko ay unti-unting may nahuhulog sa loob ko — mga alaala, mga tinig, mga tawa.

Habang kumakain kami, napansin kong si Nathanael ay tahimik lang sa gilid, nakatingin sa mga batang naglalaro. Lumapit ako dala ang dalawang plato ng pansit.

“Tikman mo to, “ sabi ko, inabot ko sa kanya ang isa. Ngumiti siya, mahinahon.

“Salamat.”

“Wala na yatang tahimik kaysa sa atin,” biro ko. Tumingin siya sa akin.

“Minsan okay na yung tahimik. Hindi lahat ng damdamin kailangang sabihin.” Ngumiti siya.

“Pero minsan, kahit tahimik, naririnig naman ng Diyos.” Napatingin ako sa kanya, at sa sandaling iyon, parang huminto ang paligid. Wala akong masabi, pero naramdaman kong may kapayapaang dahan-dahang bumabalot sa pagitan namin  isang kapayapaang mahirap unawain, pero totoo.

At habang unti-unting lumulubog ang araw, habang ang langit ay nagkukulay kahel at ginto, naramdaman kong ang huling araw sa isla ay hindi pa pala pamamaalam.

Isa lang itong paalala  na kahit may mga damdaming kailangang itago, may mga pagkakataong sapat nang nandiyan kayo pareho sa ilalim ng iisang liwanag.

KABANATA XXX

Kinagabihan, nag-ayos na ng gamit ang lahat. Pero ako, nagpaiwan sa labas. Umupo ako sa ilalim ng puno, kung saan madalas magtugtog si Nathanael. Tahimik lang ako, pinagmamasdan ang mga alitaptap sa paligid.

“Hindi ka pa matutulog?” Nang marinig ko ang boses na iyon, hindi na ako lumingon.

“Hindi pa. Gusto ko lang… huminga muna.” Umupo siya sa tabi ko. Hindi kami nagsalita agad. Ang tunog lang ng alon at hangin ang pumupuno sa pagitan namin. Ilang sandali pa, siya na ang unang nagsalita.

“Ang tahimik mo ngayon.” Ngumiti ako nang mahina.

“Ayokong masanay sa ingay kung alam kong bukas, wala na.”

“Hindi naman mawawala,” sagot niya.

“Nandito lang naman ako, Kael.” Tumingin ako sa kanya. At doon, sa ilalim ng liwanag ng buwan, nakita ko ang parehong ngiti na ilang beses kong pilit nilimot.

“Nath…” Bumigat ang dibdib ko. “Ayokong magsinungaling. Ayokong umalis dito na hindi mo alam.”

Natahimik siya. “Ano’ng hindi ko alam?” nakangiti bagaman ay may katanungan sa kaniyang mga mata.

“Na…” huminga ako nang malalim. “…na sa lahat ng araw na magkasama tayo rito, ikaw ang naging dahilan kung bakit ko gustong bumangon araw-araw. Na kahit ayaw kong madala, nangyari pa rin. Na… gusto kita.” Tahimik. Tanging hampas ng hangin at alon ang sumasagot. Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto ang lumipas, pero sa pagitan ng katahimikan, marahan siyang tumugon.

“Kael…” sambit niya kasabay ng paglunok.

“Hindi mo kailangang sagutin,” sabat ko agad. “Hindi ko rin naman alam kung may dapat sagutin. Gusto ko lang… marinig mo.” Huminga siya nang malalim, sabay marahang itinukod ang gitara sa tabi. Tumingin sa akin, diretsong tingin.

“Salamat,” aniya. “At kahit hindi ko alam kung paano sasabihin, gusto kong maramdaman mong hindi mo kailangang mag-isa sa nararamdaman mo.” At doon ko lang napagtanto  minsan, hindi kailangang magkaroon ng kasagutan para masabing totoo.

Tahimik kaming nakatingala sa langit, sabay naming pinakinggan ang mahinang hampas ng alon.

Sa pagitan ng mga bituin, doon ko ibinulong ang dasal na sana, kahit saan kami dalhin ng mga susunod na araw, manatili pa rin ang katahimikang ito kung saan walang kailangang ipaliwanag, pero lahat ay nararamdaman.

Maaga akong nagising kinabukasan, kahit halos wala akong tulog. Parang hindi pa rin tumitigil ang pag-ikot ng mga nangyari kagabi sa isip ko.

Ang mga salita ko, ang tingin niya, ang katahimikan sa pagitan namin. Walang kasunod na usapan, walang pangakong binitawan. Pero sa di ko maipaliwanag na paraan, may kapayapaang naiwan.

Lumabas ako ng quarters. Malamig pa ang simoy ng hangin, at ang mga dahon ng niyog ay marahang sumasayaw sa hangin. Ang paligid ay tahimik, tanging mga ibon lang ang bumabasag sa katahimikan. May araw pa kami ngayon bago bumalik ng Maynila bukas isang araw lang ng pahinga. Ngunit para sa akin, pakiramdam ko’y huling pagkakataon din ito para magpaalam sa mga bagay na hindi ko kailangang sabihin muli.

Nadatnan ko sina Micah at Levi sa maliit na kubo, nagkakape.

“Ang aga mo,” sabi ni Levi, sabay abot ng tasa.

“Hindi nakatulog,” sagot ko, sabay ngiti. Tahimik na naupo si Micah sa tabi ko. “Ang daming nangyari, ano? Parang ang bilis.” Tumango lang ako. Hindi ko kayang ipaliwanag ang lahat. Hindi ko rin alam kung may dapat bang ipaliwanag.

Hanggang ngayon, hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil nailabas ko ang totoo, o malungkot dahil baka iyon na ang simula ng distansya. Bandang tanghali, nagpasya kaming pumunta sa tabing-dagat. Walang aktibidad ngayon, kaya bawat isa ay kanya-kanyang paraan ng paghinga. Si Micah ay naglakad sa buhanginan, si Levi ay abala sa litrato, habang ako naman ay tahimik lang sa lilim ng puno, nakatingin sa malawak na dagat.

Ilang sandali pa, lumapit siya, si Nathanael. Wala siyang dalang gitara ngayon, wala ring ngiti. Pero ang presensya niya pa lang ay sapat para muling magulo ang katahimikan ko.

“Pwede akong umupo?” tanong niya. Tumango ako. Umupo siya sa tabi ko, ilang pulgada ang pagitan namin. Parehong nakatingin sa dagat. Matagal kaming walang imikan. Hanggang sa siya ang unang nagsalita.

“Hindi ako nakatulog kagabi,” sabi niya. “Paulit-ulit kong naiisip ’yung mga sinabi mo.” Tahimik lang ako.

“Hindi ko alam kung paano ko tatapatan,” patuloy niya. “Pero gusto kong marinig mo ito na hindi ako lalayo, Kael. Hindi rin ako lilimot. Baka hindi ko alam ang kasunod, pero gusto kong manatili ka sa panalangin ko.” Tumingin ako sa kanya. At sa pagkakataong ito, wala akong gustong sagutin. Kasi sapat na.

Sapat na na marinig ko iyon mula sa kanya, hindi pangako, hindi katiyakan, pero isang uri ng presensya na hindi kailangan ng salita.

“Salamat,” mahina kong sabi. “Hindi ko rin alam kung saan ako lulugar, pero siguro tama na munang dito tayo kung saan may kapayapaan.” Ngumiti siya.

“Tama ka.”

Habang lumulubog ang araw, nagpasya kaming maglakad sa dalampasigan. Walang nagbago sa pagitan namin sa paningin ng iba ngunit pareho pa rin ang tawa, pareho pa rin ang mga biro kapag magkasama. Pero sa ilalim ng lahat ng iyon, alam naming may nagbago. Hindi kami pareho ng dati, pero hindi rin kailangang maging iba.

Kinagabihan, habang nag-iimpake ang lahat, ako’y muling napaupo sa tabi ng bintana. Sa labas, maririnig ang tunog ng dagat, at sa di kalayuan, pamilyar na himig ng gitara. Hindi na ako lumabas. Hindi ko kailangang makita kung sino ang tumutugtog, dahil alam ko na. Sa isip ko, marahan kong binigkas ang panalangin.

“Lord, salamat sa pagkakataong ito. Kung ito man ay hanggang dito lang, sana ay sapat na ito para matutunan kong magmahal nang may paggalang, at umiwas nang may kapayapaan.”

Pagkatapos niyon, ipinikit ko ang mga mata.

At sa unang pagkakataon matapos ang ilang araw, nakatulog akong magaan ang loob hindi dahil natapos ang nararamdaman, kundi dahil natutunan kong tanggapin ito nang walang takot.

Ang umaga ng pag-alis ay tila mas tahimik kaysa sa mga nauna. Wala ang karaniwang tawanan ng mga bata sa labas ng kubo, ni ang masiglang sigawan sa tabing-dagat. Sa halip, ang naririnig ko lang ay ang banayad na hampas ng alon at ang pagaspas ng mga dahon.

Maraming bitbit na kahon at gamit sa labas na mga materyales, mga alaala, mga sandaling hindi na mauulit. Habang pinagmamasdan ko sina Micah at Levi na nag-aayos ng mga gamit sa van, parang may bigat sa dibdib kong hindi kayang itapon o itupi gaya ng mga bag namin. Lapit si Micah sa akin, ngumiti.

“Hindi ka pa kumakain. Tara, may pandesal sa mesa.” Ngumiti lang ako.

“Mamaya na lang.” Sa di kalayuan, nakita ko si Nathanael. Nakaupo siya sa isang kahoy na upuan, nakikipag-usap sa mga magulang ng mga batang tinuruan namin.

Puno ng ngiti ang paligid, pero sa pagitan ng lahat ng iyon, parang ako lang ang hindi marunong tumawa. Maya-maya, lumapit ang isang batang babae — si Jamica, isa sa pinaka-masigla noong mga session.

“Kuya Kael!” tawag niya, sabay abot ng maliit na papel. Ngumiti ako at kinuha iyon. Isang simpleng drawing lang dalawang ibon na magkasabay lumilipad, tapos may maliit na araw sa gitna.

“Para po sa inyo. Sabi ni Mama, pag aalis po kayo, dapat may maiwan kayong liwanag.’” Hindi ako agad nakasagot. Ngumiti lang ako, sabay haplos sa ulo niya.

“Salamat, Jamica. Ang ganda nito.”

Tiningnan ko ulit ang drawing  at sa gitna ng linya ng araw, nakasulat nang maliliit na Be strong and courageous.

Nakangiti siya habang tumatakbo pabalik sa mga kalaro. Tumalikod ako, pilit pinipigil ang mabigat na paghinga. Saka ko lang napansin na naroon pala siya si Nathanael. Nakatingin, nakangiti rin, hawak ang gitara niya sa isang kamay.

“Jamica made that for you?” tanong niya. Tumango ako. Sa unang pagkakataon, narinig ko siyang diretsong nag-english. Nakaramdam ako ng kakaiba ngunit hindi ko na iyon pinag-isipan pa dahil maayos naman kami.

“Oo. Galing niyang bata.”

Tahimik. Tanging ingay ng mga ibon at hangin ang nasa pagitan namin.

“Ready ka na?” tanong niya.

“Hindi ko alam,” sagot ko. “Siguro… hindi kailanman magiging sapat ang paghahanda kapag aalis ka sa isang lugar na natutunan mong mahalin.”

Ngumiti siya, pero may lungkot sa mata.

“Tama ka. Pero minsan, kailangan din nating matutong magpaalam nang may pasasalamat.” Tumango ako. Hindi ko na sinabi ang anumang nararamdaman kasi alam kong kahit hindi sabihin, pareho naming nauunawaan. Ang lahat ng dapat sabihin ay nasabi na sa pagitan ng mga katahimikan naming dalawa. Bago kami sumakay sa van, nagtipon muna kami sa harap ng kapilya. Ang mga bata at magulang ay naroon, may dalang simpleng kartolina at nakasulat na. Maraming Salamat, Voice of Youth Team! May mga palakpak, tawanan, yakapan. Si Micah ay nagbiro pa tungkol sa muling pagbabalik, si Levi naman ay abala sa pagkuha ng litrato. Ako, nanatiling tahimik sa gilid, pinagmamasdan lang ang lahat.

Hanggang sa si Nathanael ay lumapit muli sa gitna, kinuha ang gitara, at marahang tumugtog ng pamilyar na awitin. Isang himig ng pagpapaalam mabagal, mapayapa, at puno ng alaala. Habang tumutugtog siya, pinikit ko ang mga mata. Sa isip ko, bumalik lahat ng sandali. ang unang gabi ng pagtuturo, ang halakhak ng mga bata, ang mga dasal bago matulog, at ang mga tingin naming nagtagpo sa pagitan ng pag-iwas.

At nang imulat ko ang aking mga mata, nakita ko siyang nakatingin din sa akin. Walang salita, walang ngiti pero sapat na ang tingin na iyon para sabihin ang lahat ng hindi namin kailangang ulitin. Pagsapit ng huling tugtog, sabay-sabay kaming nagsabi ng, “Salamat.”

At nang magsimula nang umusad ang van, ang mga kamay ng mga bata ay kumakaway habang tumatakbo sa gilid ng daan. Humawak ako sa papel na binigay ni Jamica ang dalawang ibon na magkasabay lumilipad.

“Be strong and courageous,” bulong ko sa sarili. At sa malayo, habang lumiliit ang kapilya sa tanawin, naramdaman kong hindi lang basta pag-alis iyon. Isa iyong panibagong simula na hindi para kalimutan, kundi para ipagpatuloy.

WAKAS

Pagbalik namin sa Maynila, tila nagbago ang lahat.Pareho pa rin ang tawanan ng grupo, ang mga kwento sa biyahe, at ang mga paalala ni Micah tungkol sa susunod na mission. Pero sa pagitan ng mga iyon, may katahimikang hindi ko maipaliwanag.

Isang katahimikang nagsimula noong araw na umalis kami sa isla. Hindi ko alam kung ako lang ba ang nakararamdam, o sadyang marunong lang siyang magtago.

Si Nathanael na dati kong kasabay sa bawat gawain, kasabay manalangin, kasabay tumawa ngunit ngayon ay tila ba lumalayo. Wala nang mga mahabang tinginan. Wala nang tahimik na sandaling puno ng di nasasabi. Wala na ring mga gabing sabay kaming nag-aayos ng mga gamit habang nagbibiro nang mahina. Lahat ay bumalik sa dati. Ngunit ako… hindi na. Minsan, nadatnan ko siyang mag-isa sa labas ng simbahan pagkatapos ng isang pulong. Nakaupo siya sa hagdan, hawak ang maliit na Bibliya na laging nasa bag niya.

Nilapitan ko siya, dala ang kaba na ilang araw ko nang pilit pinapatahimik.

“Nath…” mahinahon kong sabi. Lumingon siya, may ngiting pilit, at tumango.

“Kael.” namutawi ang katahimikan. Tanging tunog ng mga sasakyang dumaraan sa labas ang bumabasag sa pagitan naming dalawa.

“Parang… ang tahimik mo nitong mga araw,” sabi ko sa wakas. “Akala ko may nagawa akong mali.”

Umiling siya. “Wala kang ginawang mali, Kael.” Huminga siya nang malalim bago muling nagsalita. “Pero kailangan kong sabihin to. Kasi ayokong umalis na may hindi malinaw.” Tumitig ako sa kanya. Alam ko na. Ramdam ko na. Pero gusto ko pa ring marinig mula sa kanya.

“Kael,” marahan niyang sabi, napapikit pa bago muling nagsalita. “Mahalaga  ka sa’kin. Napakaimportante mo sa lahat ng nangyari sa mission.” Bumuntong-hininga siya, tumingin sa langit, saka muling nagsalita. “Pero hindi ko kayang suklian yung nararamdaman mo.”

Parang may kumalabog sa dibdib ko, pero nanatili akong tahimik. Pinilit kong ngumiti kahit alam kong nanginginig ang labi ko.

“Alam ko naman,” sagot ko mahina. “Hindi ko rin hinihingi.” masakit ang katotohanan. Tila gusto kong kwestyunin ang mga sinabi niya noon sa Mauban, ngunit hindi ko ginawa. Nirerespeto ko ang kung anong rason niya. Alam kong iyon ang mas tama.

“Mas matimbang ang pagmamahal ko sa Diyos,” dagdag niya. “Yun ang dahilan kung bakit ako sumasama sa mga ganitong mission. At alam kong pareho tayong tinawag, pero sa magkaibang paraan.” Tumango ako. Hindi ko kayang magsalita. Tanging dasal lang ang nausal ko sa loob-loob ko.

Lord, bigyan Mo ako ng lakas na tanggapin ito nang may kapayapaan.

“Salamat sa lahat, Kael,” sabi niya, at may ngiting totoo sa mga mata.

“Kung may natutunan ako sa’yo, ’yun ay kung paano magmahal nang walang hinihingi.” Tumango ako, pilit na ngumiti rin.

“Salamat din. Dahil kahit sandali lang… naging totoo ang lahat.” Naglakad siya palayo, dala ang liwanag ng poste na unti-unting lumalabo habang papalayo siya. At ako, naiwan sa hagdan ng simbahan, hawak ang maliit na papel na ibinigay sa akin ni Jamica noon pa, ang dalawang ibong magkasabay lumilipad. Matagal ko iyong tinitigan, saka ko napansin: isa sa mga ibon ay nakataas na ang pakpak, tila paalis.

Ang isa naman, nananatili, pero nakatingin pa rin sa langit. Ngumiti ako, kahit may luha na sa gilid ng mata.

Be strong and courageous.

Tama si Jamica. Tama rin sina Micah, Levi at lalo na si Nathanael. Hindi lahat ng pagmamahal ay kailangang magtapos sa pagtangan kundi minsan, sapat na ang makasama siya sa panahong itinakda, at palayain siya sa panahong kailangan.

Lumipas ang mga linggo mula nang umalis kami sa misyon. Sa unang mga araw, parang ang hirap huminga. Sanay kasi akong marinig ang tawa ni Nathanael tuwing umaga, maramdaman ang presensya niya sa tuwing magtuturo kami sa mga bata. Pero ngayon, tahimik ang paligid. Parang may kulang.

Akala ko mawawala rin agad iyon, pero habang tumatagal, lalo kong naramdaman ang bigat. Hindi dahil galit ako o nasaktan pa ako, kundi dahil tinanggap kong hindi lahat ng pagmamahal ay kailangang tumbasan para manatiling totoo.

Minsan, sa tuwing binubuksan ko ang notebook ko, naroon pa rin ang mga lumang plano naming dalawa. Mga listahan ng topics, kwento, at mga tawanan na siningit ko sa pagitan ng mga linya. Pero ngayon, sa tuwing binabasa ko iyon, hindi na ako umiiyak. Napapangiti na lang ako.

Isang gabi, nagpunta ako sa kapilya sa tapat ng aming bahay. Tahimik. Wala masyadong tao. Naupo ako sa huling upuan, ibinaba ang ulo ko, at sa unang pagkakataon mula nang matapos ang mission, nagsalita ako nang buong tapat.

“Lord,” mahina kong sabi, “salamat dahil kahit na nawala siya sa tabi ko, hindi Ninyo ako pinabayaan. Salamat dahil ginamit Ninyo siya para turuan akong magmahal, hindi lang ng tao, kundi ng Inyo nang buo.” At sa gabing iyon, habang nakatingala ako sa krus, may kakaibang kapayapaan akong naramdaman. Hindi yong kapanatagan na galing sa mga salita ni Nathanael, kundi yong kalmadong galing sa Diyos mismo iyong uri ng pag-ibig na hindi kailangang suklian, pero laging nariyan.

Simula noon, sinubukan kong ayusin ang sarili ko. Tuwing umaga, naglalakad ako mag-isa at nagdarasal. Sa bawat araw ng Sabado, tumutulong ako sa pagtuturo ng mga bata sa simbahan hindi na bilang tungkulin, kundi bilang paraan ng pasasalamat. At sa bawat kwentong ibinabahagi ko sa kanila, lagi kong inaalala ang aral ng nakaraan. Isang hapon, habang nagkukuwento ako sa mga bata tungkol sa ibon na natutong lumipad mag-isa, may isang batang nagtanong.

“Kuya Kael, hindi po ba siya nalungkot mag-isa?” Napangiti ako.

“Oo, nalungkot siya,” sagot ko. “Pero doon niya natutunan na hindi siya kailangang matakot sa pag-iisa. Kasi minsan, sa katahimikan, doon natin maririnig nang malinaw ang tinig ng Diyos.” Tahimik ang paligid pagkatapos noon. Pero ramdam kong naiintindihan nila na kahit sa bata nilang isipan. At sa sandaling iyon, napagtanto kong ako na rin ang ibon sa kwento kong iyon. Hindi na naghihintay na may bumalik, kundi lumilipad na nang payapa, dala ang lakas ng bagong pag-asa.

Kinagabihan, habang nakaupo ako sa labas, pinagmamasdan ang mga bituin, pumikit ako at mahina kong nasambit.

“Hindi ko man nakamtan ang pag-ibig na inakala kong para sa akin, natagpuan ko naman ang pag-ibig na tunay sa Iyo, Panginoon.”

At doon ko tuluyang naintindihan  na ang tunay na paghilom ay hindi laging ibig sabihin ay kalimutan, kundi matutong ipagpasalamat ang lahat, kahit ’yong mga sugat na dati ay ayaw mong tingnan.

Lumipas ang ilang buwan matapos ang huli naming pagkikita ni Nathanael. Tahimik na ulit ang mga umaga ko. Pero kakaiba ngayon dahil may kapayapaan. Mas naging abala ako sa simbahan. Madalas akong tumulong sa pagtuturo ng mga bata tuwing Linggo. Minsan, kapag tahimik na ang paligid pagkatapos ng klase, nauupo lang ako sa harap ng altar at nagmamasid. Doon ko nararamdaman na kahit wala na siya, hindi naman talaga ako nag-iisa.

Isang araw, habang nag-aayos ako ng mga notebook ng mga bata, may kumalabit sa akin. Paglingon ko at doon ay nakita ko siya. Si Nathanael. Pareho pa rin ang ngiti, pero mas mahinahon. Mas tahimik.

“Kael,” mahina niyang sabi. “Ang tagal nating di nagkita.” Tumango lang ako, pinilit kong ngumiti.

“Oo, matagal din.” Walang halong tensyon, walang bigat. Parang dalawang taong dumaan sa bagyo pero ngayon ay natutong ngumiti sa ulan. Nagkamustahan kami saglit, napag-usapan din namin kung kamusta na ang team, ang mga bata, ang mga susunod na mission. Tapos siya na rin ang unang nagsabi,

“Masaya akong makita kang mas payapa na.” Ngumiti ako.

“Masaya rin akong makita kang patuloy na naglilingkod.” Tahimik sandali. Wala nang kailangang sabihin pa. Pagkatapos noon, nagpaalam siya. Banayad, magaan. At habang papalayo siya, napatingin ako sa langit. Sa loob-loob ko, sinabi ko, Salamat, Lord. Hindi ko siya kailangang hawakan para mapanatili. Sapat nang minsan, ginamit nyo siya para ilapit ako sa Inyo.

Kinagabihan, umupo ako sa labas ng bahay, hawak ang aking notebook. Binuksan ko sa pinakadulo, at doon ko sinulat ang panalangin na matagal ko nang kinikimkim.

Panginoon, salamat po.

Salamat sa mga taong ginamit Ninyo para hubugin ang puso ko, sa mga pagkakataong nasaktan ako, pero doon ko natutunan kung paano umasa sa Inyo.

Salamat dahil kahit nawalan ako, hindi Ninyo ako iniwan. Tinuruan Ninyo akong hanapin ang sarili ko hindi sa mga kamay ng iba, kundi sa yakap Ninyo.

Patawarin Ninyo ako sa mga panahong pinili kong umiwas, sa mga oras na mas pinili kong magtago kaysa humingi ng tulong. Ngayon, tinatanggap ko ang lahat.

Ang mga alaala, ang mga sugat, pati ang mga pangarap na hindi natuloy. Sapagkat alam kong lahat iyon ay bahagi ng plano Ninyo. Turuan Ninyo akong patuloy na magmahal na hindi sa paraang naghihintay ng kapalit, kundi sa paraang nagbibigay, gaya ng pagmamahal Ninyo sa amin. At kung sakaling muling dumating ang pagkakataong maramdaman ko ito, nawa’y handa na ang puso kong magmahal nang may takot at tiwala sa Inyo.

WAKAS


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.