Could Be Love
vincentmanrique · 10 chapters · 9,822 words
Dedication
Ang kuwentong ito ay alay ko sa mga taong sobrang nagmamahal kina Maymay Entrata, Kisses Delavin, Edward Barber at Donny Pangilinan.
No hate, just love…
Could Be Love
Si Edward ang president ng student council. Effective na leader, sinusunod at iginagalang siya ng mga estudyante sa St. Gabriel Academy. Matagal na niyang crush si Maymay pero natotorpe siya sa harapan nito.
Si Maymay ang editor-in-chief ng school organ. Wacky pero palaban. Wala siyang kaalam-alam na patay na patay sa kanya si Edward dahil ang best friend niyang si Kisses ang itinutulak niya para sa binata.
Si Kisses ang campus crush. Campus beauty, marami ang nagtatangkang manligaw sa kanya pero focused siya sa pag-aaral.
Si Donny ang varsity player. Team captain siya ng basketball team. Isa siya sa mga lihim na humahanga kay Kisses pero natatakot siyang mabasted ng dalaga.
May happy ending bang naghihintay sa kanilang apat?
Chapter 1
“O, hindi pa ba tapos ang article mo? We’re running out of time. Kailangan ready na ang paper by next week kaya dapat tapos na tayo sa lahat ng articles na ilalabas natin.” Mahinahon naman ang pagsasalita ni Maymay pero kabisado na siya ng kanyang staff. The moment na mag-follow up na siya ng articles at pumunta na ito sa desk ng kanyang staff, it means that they really need to work fast. As in really fast! Sa mahigit dalawang taon nitong pagiging editor-in-chief ng The SG Chronicles, ni minsan ay hindi ito pumalya sa deadline ng monthly issue ng pahayagan ng mga estudyante sa St. Gabriel Academy. Lagi nitong pinaaalalahanan ang kanyang staff sa kahalagahan ng kanilang trabaho bilang mga estudyanteng mamamahayag.
“Give me thirty minutes, Maymay. I’m just proofreading the article,” sagot ni Aizan. Freshman pa lang ito pero agad na sumali sa The SG Chronicles para mahasa sa kursong gusto nitong kunin sa kolehiyo.
“Okay, sige. Just be sure that it will be ready in thirty minutes. Babasahin ko pa ’yan.” Naglakad na si Maymay pabalik sa kanyang desk.
Hindi pa siya natatagalan sa pagkakaupo nang may kumatok sa pinto at pagkatapos ay pumasok ang isang mestisong binata na kilalang-kilala sa campus. Siya si Edward, ang president ng student council.
“Good morning,” bati ni Edward sa mga taong inabutan niya sa silid.
“Anything that I can do for you?” maagap na tanong ni Maymay.
“I went here to ask if you could possibly include an advertisement or a sort of reminder to the students for the coming foundation day that would be two weeks from now,” diretsong pagsasalita ni Edward in his usual British accent. Half-pinoy, half-British ang binata at bagama’t lumaki ito sa Germany ay napanatili nito ang British accent dahil sa tatay nitong Briton. Dalawang taon pa lang mula nang lumipat dito sa Pilipinas ang pamilya ni Edward at dito na nga sa St. Gabriel Academy nito ipinagpatuloy ang pag-aaral.
Nakatingin lang si Maymay habang nagsasalita si Edward. Napakaamo ng mukha ng binata. Ang mata nito ay malamlam pero tila ba nakangiti kung pagmamasdan. Ang matangos nitong ilong ay bumagay sa manipis at mapupulang mga labi na tila ba ang sarap-sarap halikan.
Napansin ni Edward ang pagkakatitig sa kanya ni Maymay at bigla ay nakaramdam siya ng pagkailang. Bigla ring parang bumilis ang pagtibok ng kanyang puso at tila gusto na niyang magpaalam sa dalaga.
Hindi ito ang unang beses na nakaramdam siya ng ganito. Bakit ba kapag kaharap niya si Maymay ay tila nalulunok niya ang kanyang dila at halos ayaw na niyang magsalita? Kanina naman ay okay siya. Na-conscious lang ba siya sa isiping tinititigan siya ng dalaga? Pero hindi pa ba siya sanay na pinagmamasdan ng mga kababaihan sa campus? Halos lahat ay kilala siya at bumabati sa kanya dahil siya lang naman ang presidente ng student council. Anong meron kay Maymay at nahihiya siya rito? Hindi naman siya ganito sa ibang mga babae. Nakakatawa dahil siya pang lumaki sa ibang bansa ang tila natotorpe sa harap ng isang dalaga. Napaka-unusual naman yata ng ganoon.
Napansin ni Edward na ngumiti si Maymay at pagkatapos ay nagsalita. “No problem. Sige, Mr. President, ilalagay namin sa next issue ng Chronicles ang request mo.”
“Thank you. I’ll go ahead.” At bago pa nakasagot si Maymay ay nakatalikod na si Edward at naglakad papalabas ng silid.
“Hey!” Narinig ni Edward at napalingon siya sa pinanggalingan ng boses. Nakita niya ang kaklaseng si Donny na tumatakbo papalapit sa kanya. Naka-basketball uniform lang ang binata at halatang galing ito sa gym at katatapos lang magpraktis.
“Are you going home now?” tanong ni Edward sa kaklase.
“Yeah, but I’ll be back. We still have classes, right?”
“Akala ko hindi ka na naman a-attend ng klase. The usual privilege you varsity players have.”
Ngumiti lang si Donny. “Hindi naman. Pumapasok rin naman kami like all other students do. Remember, we are scholars and we need to maintain the required grades to be able to retain our scholarship,” depensa pa ng binata. “Ikaw, binisita mo naman ang crush mo?”
“What are you saying? I just went to the editorial office for a school-related activity that I want to be added in the next issue of the Chronicles.”
“Ang sabihin mo, gusto mo lang makita si Maymay!”
“Ssshhh… Stop it! They might hear you.” Nagpalinga-linga pa si Edward para masigurong walang ibang nakarinig sa sinabi ni Donny. Hindi naman siya galit. Ang totoo’y kinikilig pa nga siya sa tuwing may nagbibiro sa kanya patungkol kay Maymay.
O, paano? Dito na ako. Uuwi lang ako saglit. Malapit lang naman dito ang bahay namin. See you later, bro!“
Tinanguan ni Edward ang kaklase. “Okay!”
Binilisan na ni Edward ang paglalakad patungo sa student council office. Vacant period pa naman kaya dun na lang muna siya maglalagi.
Maraming tao sa office pagdating doon ni Edward. Karamihan ay mga babae.
“Edward, sila ’yung applicants for Ms. St. Gabriel Academy 2016 na gaganapin sa foundation day,” maagap na pagbabalita ni Fenech ang student council secretary.
“Okay, give them the application form and the list of requirements.”
“As you wish.” Agad na ginawa ni Fenech ang utos ni Edward.
Isang babae ang tumawag ng atensyon ni Edward. Ang campus beauty na si Kisses. At sa pagkakaalam niya, best friend ito ni Maymay.
Oh my God! Maymay na naman! Bakit ba hindi na mawala sa isip niya si Maymay?
Napansin yata ni Kisses na nakatingin sa kanya si Edward kaya nginitian niya ito.
Nabigla si Edward sa biglang pagngiti sa kanya ng dalaga. Hindi niya in-expect na mahuhuli siya nitong nakatingin dito.
Asiwa man ay awtomatikong gumanti ng ngiti si Edward. Pero biglang naglakad si Kisses papalapit sa kanya. Hawak nito ang application form na binigay ni Fenech.
“Hi!” bati ni Kisses kay Edward. “Can I just return this application form tomorrow? I’ll submit this together with the other requirements.”
“Sure, it’s okay.” Matamis ang ngiti ng binata habang nagsasalita.
“Oh, thank you. Tapos na kasi ang klase ko eh at hinihintay na ako ng daddy ko sa labas.”
“You may bring the form with you. No worries.”
“I’ll go ahead then. Bye!” At lumabas na si Kisses sa opisina ng student council.
Author’s
note
:
Abangan
nyo
ang
kasunod
na
kabanata
.
Thanks
.
Chapter 2
BUMALIK si Edward sa desk niya pagkalabas ni Kisses sa student council office.
Maya-maya pa ay nagsialisan na rin ang ibang mga aplikante para sa Ms. St. Gabriel Academy 2016. Mukhang magiging successful ang foundation day nila this year just like last year. Two-day celebration iyon at marami silang pinaplanong activities. Lahat ng estudyante ay may kani-kaniyang partisipasyon sa pagdiriwang. Freshmen students will be in-charge sa jail booth. Mag-a-assign sila ng tao na nasa dedication booth na mag-announce ng mga estudyanteng dapat hulihin para ikulong sa jail booth. Makakalabas lamang ang mga nahuling estudyante kung may ibang estudyante na magpipiyansa sa kanila. Sa sophomore students naman nakatoka ang food and souvenir booth. Lahat ng nasa campus ay makakabili roon ng mga special St. Gabriel Academy souvenir items at packed lunch and snacks na inihanda ng mga second year students. Junior students naman ang bahala sa dedication booth. Buong maghapon ay magpapatugtog sila ng mga awiting ni-request ng kahit sinong estudyante. May bayad siyempre ang bawat song request. Fund raising activity rin kasi ng student council ang mga ganitong uri ng pagdiriwang. At bakit naman hindi? Eh, gagastos rin naman ang student council para maging matagumpay ang selebrasyon ng pagkakatatag ng kanilang eskuwelahan. Sa senior students naman ang marriage booth. Sa mismong araw ng foundation day ay magtatalaga sila ng mga lugar sa loob ng campus na tatawagin nilang “secret prohibited sites”. Ang sino mang mahuling dumaan o tumambay sa prohibited sites ay huhulihin at dadalhin sa marriage booth upang ikasal o ipakasal sa kung sino mang pipiliin niyang pakasalan. Kung hindi siya pipili, ipapakasal siya sa iba pang nahuling dumaan sa prohibited sites. Maliban sa mga mahuhuli sa prohibited sites, puwede rin namang mag-request ang kahit sinong estudyante na maikasal siya sa marriage booth. Kailangan lang niyang bayaran ang marriage fee at pagkatapos ay isasagawa na ang seremonya ng kasal. Kung wala pang partner ang nag-request ng kasal, maaari niyang sabihin kung sino ang gusto niyang pakasalan at huhulihin ito ng mga fourth year students para maipakasal sa estudyanteng nag-request. Lahat ng ito ay puro katuwaan lang naman at gagawin para sa ikasisiya ng mga mag-aaral sa St. Gabriel Academy. Handa na rin ang inarkila nilang ferris wheel at iba’t-ibang carnival attraction. At ito ngang search for Ms. St. Gabriel Academy ang highlight ng pagdiriwang. Marami pa silang naiisip na idadagdag sa kanilang activities para mas maging masaya ang kanilang foundation day.
Nag-ring ang bell tanda na mag-umpisa na ang next class.
Tumayo si Edward at nagpaalam kay Fenech. “I have a class now. For any immediate concern, just inform me. I’ll be in room 56.”
“Okay, no problem. Ako na muna ang bahala rito, Edward. Darating naman si Rita so, may makakasama ako rito,” nakangiting sagot ni Fenech.
“I’ll go ahead.” Umalis na si Edward para pumunta sa classroom.
SI MAYMAY ay abala pa rin sa pag-eedit ng mga articles. Tatlong artikulo pa ang nakalatag sa table niya. Hopefully, matapos niya lahat ’yun bago mag-alas singko ng hapon. Hindi siya puwedeng mag-extend sa school hanggang gabi dahil birthday ng mama niya. Sabi nito sa kanya kanina, umuwi siya nang maaga dahil magluluto ito ng konting mapagsasaluhan nilang tatlo ng kuya niya. Hindi niya dapat palampasin ang mga ganitong pagkakataon. Bihira lang ’yung pagkakataong katulad nito na nandito sa Pilipinas ang mama niya at dito pa nag-birthday. Tiyempo lang kasi na nakabakasyon ang mama niya sa trabaho nito bilang OFW sa Japan.
Saglit na huminto si Maymay sa kanyang ginagawa. “Aizan…”
“Bakit, ate Maymay?”
“Until what time ka rito?
“4pm. May klase ako ng 4-5 eh, last class.”
“Ah, gano’n ba?” Binalingan ni Maymay ang iba pang nasa editorial room. “Guys, sino sa inyo ang puwedeng mag-stay kahit hanggang six lang para i-finalize ang layout ng paper natin? Para ready for printing na bukas early in the morning.”
“Ako na lang, ate Maymay.” Si Kristine ang sumagot. Third year student ito at kaklase ni Edward.
“Teka, ba’t andito ka pa? Hindi ba may klase ka pa?” tanong ni Maymay.
“Nagsabi na ako kay Mrs. Pineda na ’di ako aattend ng klase today kasi nga naghahabol tayo ng deadline ng school paper. Siyempre pinayagan niya ako kasi siya ang tumatayong editorial adviser natin. Wala naman kaming quiz today so okay lang. Manghihiram na lang ako ng notes kay Edward,” mahabang sabi ni Kristine.
“Sige, salamat ha? Hindi kasi ako puwedeng mag-extend today. Birthday ng mama ko. Ayoko namang dumating sa bahay na tulog na siya.”
“Okay lang, ate Maymay. Don’t worry. Pagdating mo bukas dito sa school, ready for printing na ang paper. Hindi tayo sasabit sa deadline. Siguradong by Monday, pwede na natin i-release ang October issue ng Chronicles.”
MASAYA si Maymay habang papauwi. Bitbit niya ang isang chocolate cake na binili niya sa isang bakeshop na malapit sa kanilang school. Mabuti na lang at nagkasya ang perang naipon niya mula sa kanyang baon sa araw-araw. Pinagsikapan talaga niyang maibili man lang ng birthday cake ang kanyang mahal na ina. May binili rin siyang regalo para rito.
Pagdating ni Maymay sa bahay ay nadatnan niya sa salas ang kanyang ina at kuya.
“O, nandiyan ka na pala, Maymay. Tamang-tama ang dating mo, katatapos ko lang magluto,” magiliw na salubong nito sa anak.
“Happy birthday, mama!” masayang bati ni Maymay sa kanyang ina. Niyakap niya ito sabay abot ang isang nakabalot na regalo.
“Ano ito, anak? Nag-abala ka pa talaga.”
“Siyempre naman, mama. Para sa’yo ’yan. Pati itong cake, para sa’yo lahat.”
Natawa ang mama ni Maymay. “Hindi ko naman mauubos lahat ’yan.”
“Basta mama, gusto ko kumain ka ng marami.”
“O, siya sige na. Magbihis ka na at sumunod ka na rito at maghahain na ako. Mamaya ko na lang bubuksan itong regalo mo.” Binitbit nito ang cake at nagtungo na sa kusina para ihanda ang kakainin nila.
Tinanaw pa ni Maymay ang ina at kapatid habang patungo ang dalawa sa kusina. Sa isip niya, napakasuwerte nilang magkapatid. Kahit lumaki silang walang kinikilalang ama, ginampanang mabuti ng mama niya hindi lang ang pagiging ina kundi pati ang pagiging ama sa kanilang dalawa ng kuya niya. Itinaguyod sila nito at iginapang na mapag-aral. Matagal na itong nagtatrabaho sa Japan, mahigit sampung taon na rin.
Maliit pa siya nang iwanan sila ng kanyang ama. Hanggang ngayon, hindi pa niya ito nakikita. Hindi naman siya nagtanim ng sama ng loob sa kanyang ama pero nasabi niya sa sarili na kung mabibigyan siya ng pagkakataong makita ito, itatanong niya rito kung bakit sila iniwan. Gusto niyang malaman kung bakit nagawa nitong abandonahin ang kanyang pamilya. Siguro naman, bilang anak ay may karapatan siyang malaman ang rason ng kanyang ama. Para na rin sa ikatatahimik ng kalooban niya. Dahil sa totoo lang, awang-awa na siya sa pagsasakripisyo ng mama niya.
Hindi na namalayan ni Maymay na umagos na ang luha mula sa kanyang mga mata.
Chapter 3
“MAYMAY! Halika na rito!”
At saka pa lang tila naalimpungatan si Maymay mula sa mahimbing na pagkakatulog nang marinig ang pagtawag ng ina. Agad niyang pinunasan ang luhang umagos sa pisngi at pagkatapos ay pilit na ngumiti upang lumarawan sa mukha niya ang saya. “Andyan na po, ‘ma!’ Agad na nagtungo sa kusina ang dalaga.
Inabutan niyang nakahanda na ang mesa. Ilang putahe rin ang niluto ng kanyang ina para mapagsaluhan nilang tatlo. Ang kuya niya ay abala naman sa pagtitimpla ng pineapple juice. “Ma, andami naman niyan eh tatatlo lang tayo.”
“Hayaan mo na. Para makapagbigay din tayo sa kapitbahay,” malumanay na sagot ng ina ni Maymay. “Umupo ka na, para makakain na tayo.”
“O, heto na ang juice. Masarap ’yan,” masayang sabi ng kapatid niya.
“Niloloko mo naman kami, kuya. Eh, kahit naman sino ang magtimpla niyan masarap pa rin dahil dadagdagan mo lang naman ng tubig at asukal ’yung pineapple juice sa lata, okay na,” natatawang sabi ng dalaga.
“Mas masarap ’yan dahil ako ang nagtimpla. Tinimpla ko ’yan nang may halong pagmamahal.” Tumingin ito sa ina bago muling nagsalita, “I love you, ’ma. Happy birthday.”
Nangilid ang luha sa mga mata ng ina ni Maymay.
“O, walang iyakan. Kakain pa tayo!” Malakas ang boses ni Maymay para mawala ang namumuong lungkot sa paligid.
Masayang pinagsaluhan ng tatlo ang mga pagkaing nakahanda sa mesa.
NASA BAHAY na rin si Edward nang mga oras na ’yun. It was a tiring day. Being able to do both school works and extra curricular activities is no joke. But he is enjoying his responsibility as the student council president. Hindi naman siya nagrereklamo. Una, siya naman ang may gustong tumakbo para sa posisyong iyon. At sino ba ang numero uno niyang nakalaban kundi si Maymay. Si Maymay na sobrang active rin sa school. Gusto na sana niyang mag-backout sa kandidatura niya noon. Ayaw niya kasing makalaban si Maymay. Tiwala siya na malaki rin ang magagawa nito para sa ikabubuti ng mga mag-aaral sa St. Gabriel Academy. Pero ang buong third year community ang nagpumilit sa kanya na huwag iatras ang kandidatura niya. Kaya sa huli ay itinuloy niya ang pagtakbo hanggang sa palarin siyang manalo bilang pangulo ng student council.
Mas lalo tuloy siyang nahiya kay Maymay. Crush niya ito noon pa, pero dahil fourth year na ito at siya ay third year pa lang, minabuti niyang itago na lang muna ang kanyang nararamdaman para sa dalaga. At ngayong tinalo pa niya ito sa student election, tila mas lalong nagkaroon ng hadlang para iparamdam niya ritong espesyal sa kanya ang dalaga.
Nakatulugan na ni Edward ang pag-iisip kay Maymay.
RIIINNNGGG!!!
Napabalikwas ng bangon si Edward pagkarinig niya sa tunog ng alarm clock. Alas-sais na ng umaga. Kailangan na niyang kumilos at maghanda papasok sa eskuwela upang hindi siya ma-late sa klase niyang mag-uumpisa ng alas-otso.
Eksakto lang ang dating niya sa klase. Pagpasok niya sa loob ng classroom ay saka naman dumating ang teacher nila sa World Literature na si Mrs. Gonzales.
“Good morning, class!” bati ng guro. Umupo ito sa kanyang upuan habang ang dalang bag ay ipinatong nito sa ibabaw ng mesa.
“Good morning, Mrs. Gonzales!” sabayang sagot ng mga estudyante.
“Okay, I asked all of you to read Iliad by Homer so I am expecting that all of you can discuss that beautiful story to the class.” Iginala ng guro ang tingin sa buong klase, pagkatapos ay nagsalita. “Keep all your books. I don’t want to see any book on your desk.”
Agad na ibinalik ng mga estudyante sa kani-kaniyang bag ang mga aklat.
Muling nagsalita ang guro. “Okay, Kristine share to us the story.”
Kampanteng tumayo si Kristine at nagsimulang magkuwento. “Iliad started at the wedding of Thethis, the goddess of water and Peleus, a mortal. The supreme god Zeus invited all of the Gods and Goddesses in Mt. Olympus except for Eris, the goddess of discord because he doesn’t want anything to go wrong during the wedding ceremony. However, Eris came to the wedding and threw a golden apple as a prize for beauty. Inscribed in the golden apple is the phrase, “for the fairest”.
“Okay, Kristine you may sit down,” putol ng guro sa pagkukuwento ng dalaga. “Donny, continue with the story.”
Tumayo si Donny at dinugtungan ang kuwento ni Kristine. “Three goddesses present in the wedding wanted the golden apple. They were Hera, the wife of Zeus; Athena, the goddess of wisdom; and Aphrodite, the goddess of love and beauty. They asked Zeus to decide but he declined. Zeus threw the golden apple out of Mt. Olympus and was picked by Paris, the son of King Priam and Queen Hecuba of Sparta. The three goddesses asked Paris to choose among them as to who should be the rightful owner of the golden apple. Paris could not choose so the three goddesses decided to bribe him.”
“And what were the bribes of the three goddesses to Paris? Edward, you continue with the story. Donny, please sit down,” utos ng guro.
Ipinagpatuloy ni Edward ang kuwento. “Hera promised power to Paris. Athena bribed him with wisdom and victory in wars. Meanwhile, Aphrodite bribed Paris to have the most beautiful woman, Helen of Troy…”
“AIZAN!”
Napatingin si Aizan sa pinanggalingan ng tinig at nakita niya si Maymay na nagmamadaling pumasok sa editorial room.
“O, ate May easy ka lang. Okay na ’yung layout. Nadala ko na sa printing house. Sigurado nang may dyaryo tayo sa lunes.” Nakangiti si Aiza habang nagsasalita.
“Haay, mabuti naman. Maraming salamat, Aizan.”
“Wala ’yun, ate May. Trabaho natin ’yun, eh. Kaya kailangang gawin ang lahat para matiyak nating everything is under control. Takot lang naming lahat sa’yo kung hindi tayo aabot sa deadline.”
Napangiti si Maymay. “Masungit ba ako?” seryosong tanong niya.
“Ate Maymay, alam mong napakamasayahin mong tao. Lahat kami rito napapatawa mo. Pero alam rin namin kung gaano ka kaseryoso sa trabaho, sa mga responsibilidad mo. At hinahangaan ka namin do’n. Idol ka namin, ate May. Kahit minsan nasusungitan mo kami, alam namin na ginagawa mo ’yun para maging maganda ang trabaho nating lahat. At saka, nagsusungit ka lang naman ’pag malapit na ang deadline. Other than that, wala kaming puwedeng masabing hindi maganda sa’yo,” mahabang paliwanag ni Aizan.
“Totoo?” paniniguro ng dalaga.
“Oo naman. Kahit tanungin mo pa lahat ng staff.”
“Sige na nga. Naniniwala na ako.”
“Ate May, aalis muna ako ha? May klase ako. Ikaw na lang muna rito.”
“Okay, walang problema.”
“Good morning, everybody!” Biglang iniluwa ng pinto si Kisses.
“Kung maka-everybody ka, parang andami namin. Dalawa lang kami rito. Paalis na nga si Aizan. Mabuti dumaan ka, para may kasama ako,” nakangiting sabi ni Maymay. “Sabay na lang tayong pumasok mamaya.”
“Sige, sasamahan kita rito pero sasamahan mo muna ako sa student council office bago tayo pumunta sa classroom.”
“Bakit? Anong gagawin mo roon?”
“Isa-submit ko kasi itong application form para sa pageant.”
“Ahh,” tumango-tango si Maymay. “Sige, ’yun lang pala, eh.”
“Ate Maymay, mauuna na muna ako,” paalam ni Aizan. “Kisses…” Nilingon nito ang dalaga.
“Babalik ka pa ba mamaya?” tanong ni Maymay.
“Titingnan ko, ate May. Pero ’di ko sigurado, ha?”
“Sige. Ila-lock ko na lang itong room ’pag start na ng klase namin ni Kisses. May mga susi naman lahat ng staff.”
“Okay. Aalis na ako, bye!” Lumabas na ng room si Aizan.
Naiwan sa editorial room sina Kisses at Maymay. Wala namang ginawa ang dalawa kundi magkuwentuhan lang.
“Mag-snack kaya muna tayo,” sabi ni Kisses.
“Sige, pero daan na muna tayo sa student council office para diretso na tayo sa room pagkatapos mag-snack,” suhestiyon ni Maymay.
“Okay. Shall we go?” tanong ni Kisses.
Noon biglang may kumatok sa pinto bago ito dahan-dahang bumukas. Sumilip si Donny at pumasok sa silid.
“Hi, Maymay! Hello, Kisses. Puwede ba kitang makausap sandali? Importante lang,” sabi ni Donny habang nakatingin kay Kisses.
“Tungkol saan?” tanong ni Kisses.
“Ah, e…” Lumunok muna si Donny bago itinuloy ang pagsasalita. “Puwede ka bang maging muse namin sa laban ng basketball team sa Wednesday? Nag-usap kaming buong team at nagkasundo ang lahat na ikaw ang gusto naming maging muse. Sana pumayag ka.”
Nagkatinginan sina Kisses at Maymay.
Chapter 4
NAGKATINGINAN sina Kisses at Maymay.
“Please…” Nagmamakaawa ang itsura ni Donny. “Promise, pumayag ka lang kami na ang bahala sa lunch mo for that day. Iti-treat ka ng team.”
Tinanguan ni Maymay si Kisses. “Pumayag ka na.”
“Pero baka kasi may practice kami para sa Ms. SG,” nag-aalalang sagot ni Kisses.
“Ako na ang bahala. Kakausapin ko si Edward na i-excuse ka sa practice. One day lang naman.”
“Pumayag ka na, Kisses. Ipagpapaalam ka naman pala, eh.”
“S-sige… pumapayag na ako,” pagkumpirma ng dalaga.
“Yes! Thank you, Kisses. Maraming salamat talaga. Matutuwa ang team mates ko.” Makikita sa mukha ni Donny ang sobrang kaligayahan dahil sa pagpayag ni Kisses. Ibibigay ko na lang sayo sa Monday ’yung jersey na isusuot mo. Jersey din ang pinasusuot sa mga muse since sports activity naman ’yung event.“
“Okay, Donny walang problema,” nakangiti na sabi ni Kisses.
“Sige, mauuna na ako. Basta, hanapin na lang kita sa lunes for the jersey.” Iyon lang at lumabas na ng silid si Donny. Sinundan pa ito ng tingin ni Kisses.
“Guwapo, ’no?” biglang sabi ni Maymay na ikinagulat pa ni Kisses. Kahit kailan napakamagugulatin talaga ng dalaga.
“Si Donny?”
“Oo, sino pa?”
“Ahh, guwapo naman. Sabi mo, eh,” tila hindi interesadong sagot ni Kisses. “Halika ka na, kakain pa tayo.”
Agad na lumabas na rin ng editorial room ang dalawa. Siniguro pa ni Maymay na nai-lock niya ang pinto.
Nagulat pa si Edward nang pumasok si Maymay at Kisses sa student council office.
“Good morning! Anything that I can do for you?” Kay Maymay nakatingin si Edward.
“I’m here to submit my application form for the Ms. SG,” sagot ni Kisses habang kinukuha sa bag niya ang form. “Here it is.” Iniabot ng dalaga ang papel kay Edward.
“Okay! Thanks, Kisses. We’ll post the schedule of practice in the bulletin board,” nakangiting sabi ng binata.
We’ll go now, Edward. We still have class,“ pagpaaalam ni Kisses.
“Halika na, Kisses. Late na tayo,” nagmamadaling sabi ni Maymay at hinila na si Kisses papalabas ng pinto.
“Ayy! Teka muna, baka ako madapa!” kunwari ay nagrereklamong sabi ng dalaga.
“Sana wala pang teacher,” ani Maymay.
Hindi pinansin ni Kisses ang sinabi ni Maymay. “Ang guwapo ni Edward, ’no?”
“Crush mo ba si Edward?” nagtatakang tanong ni Maymay.
“Hindi, ah!”
“Owws?!”
“Hindi nga!”
“Eh, ba’t sabi mo, ang gwapo ni Edward, ’no?” ginaya pa ni Maymay ang paraan ng pagsasalita ni Kisses.
“Totoo namang guwapo siya, ah.”
“Kaya nga, crush mo siya!”
“Haay, ang kulit. Sinabi na ngang hindi.”
“Eh, ’di hindi!” Nagkatawanan na lang ang magkaibigan.
LUNES
Maagang pumasok si Maymay at ang iba pang staff ng The SG Chronicles para mag-distribute ng naturang school paper. Excited ang lahat. Hindi sila sumablay sa deadline. Heto at hawak-hawak na nila ang latest issue ng pahayagan ng kanilang eskuwelahan.
Bago mag-tanghali ay naipamahagi na nila ang mga pahayagan kaya bawat isa ay nagsibalik na sa kanilang mga klase. Bago makarating sa classroom ay nakasalubong pa ni Maymay si Donny at ngumiti pa sa kanya ang binata na ginantihan naman niya ng isang matamis ring ngiti.
Pagpasok sa room ay tumabi siya kay Kisses.
“Nasalubong ko si Donny. Parang dito yata galing.”
“Oo, binigay lang niya sa akin itong jersey na isusuot ko sa game nila sa Wednesday.
“Napansin ko, parang may crush sa’yo ’yun,” diretsong pahayag ni Maymay.
“Ha? Paano mo naman nasabi ’yan?”
“Ewan ko. Pakiramdam ko lang. At take note, matalas ang pakiramdam ko.”
Umiling-iling si Kisses.
“Kaso, si Edward ang crush mo,” dugtong na sabi ni Maymay.
“Hala, hindi! Hindi ko crush si Edward. Naguguwapuhan lang ako sa kanya. Nothing more, nothing less.”
Natawa na lang si Maymay sa reaksyon ni Kisses sa pagbibiro niya. “Ba’t kaya wala pa si ma’am? Late na siya ng fifteen minutes. Hindi naman nale-late ’yun.”
Nagkibit-balikat si Kisses. “Ewan ko. Wala naman siyang advise na ’di siya papasok today, kaya maghintay na lang tayo rito.”
“Sabagay.”
Isang lalaking guro ang bumungad sa pinto ng classsroom. Pumasok ito sa loob at pagkatapos ay nagsalita. “Excuse me, class pinapasabi ni Mrs. Cortez na hindi siya makapapasok ngayon. Mag-advance reading na lang daw kayo dahil magbibigay siya ng short quiz next meeting. Kung wala na kayong klase, you may go home now or spend your time sa library. Ok?”
“Thank you, sir!” sabay-sabay na sagot ng mga estudyante.
Isa-isa nang nagsilabasan ng silid ang mga estudyante.
“Halika na, Kisses. Umuwi na tayo.” Tumayo na si Maymay at isinukbit sa likuran niya ang kanyang backpack.
“Teka lang, Ate May magre-retouch lang ako.” Agad na inilabas ni Kisses mula sa bag ang dalang foundation at kaagad na nagpahid sa kanyang mukha. Bahagya rin nitong nilagyan ang lipstick ang kanyang mga labi.
Nang matapos ay puno ng kumpiyansa itong nagsalita. “I’m ready. Tayo na, Ate May.”
Napangiti na lang si Maymay sa ginawa ni Kisses. Sabagay, wala namang masama kung laging magpaganda ang kaibigan niya. Campus beauty ito. Mabuti na ’yung lagi itong maganda at presentable.
Lumabas na ng classroom ang magkaibigan para umuwi.
“Maymay!”
Sabay pang napalingon sina Maymay at Kisses para malaman kung sino ang tumawag.
“Ma’am, bakit po?” nagtatakang tanong ni Maymay sa gurong tumawag sa kanya.
“Mabuti’t naabutan kita. Kindly go to the principal’s office immediately. Mr. Domingo would like to talk to you.”
“Tungkol saan daw po?”
“It’s about the editorial you wrote in the latest issue of The SG Chronicles.”
Napaawang ang bibig ni Maymay. Si Kisses naman ay napatingin lang sa kaibigan.
“Sige po, pupunta na ako doon ngayon.”
Tumango ang guro at umalis na.
Binalingan ni Maymay si Kisses. “Mauna ka nang umuwi, Kisses. Pupunta muna ako sa principal’s office.”
“Samahan na lang kita, Ate May. Hihintayin kita sa labas ng office para sabay pa rin tayong uuwi.”
“Okay lang sa’yo na maghintay?” paniniguro ni Maymay.
“Oo naman,” sagot ni Kisses kasabay ang isang matamis na ngiti.
Mabilis na narating ng dalawa ang opisina ni Mr. Domingo.
“Dito na lang ako,” sabi ni Kisses. “Hintayin na lang kita rito.”
“Thanks.” Tumango si Maymay at pumasok na ito sa opisina ng principal pagkatapos nitong kumatok ng tatlong beses sa pinto.
“Good morning, sir!” bati ni Maymay sa principal.
“Good morning! Come in and please take a seat.”
Umupo ang dalaga. “Pinatatawag n’yo raw po ako?”
“Yes. Regarding the editorial that you wrote in the latest issue of the school paper,” seryosong sabi ni Mr. Domingo habang matiim na nakatitig kay Maymay. Kung nakamamatay lang siguro ang tingin, baka kanina pa nakatimbuwang ang dalaga.
“Bakit po, sir?” nagtatakang tanong ni Maymay.
“Do you think it’s right to discuss an issue like that and put some of our teachers in a bad light?
“Sir, that’s part of the freedom of expression. Wala naman po akong binanggit na pangalan sa editorial. Sinabi ko lang na nag-eexist dito sa school ang ganung problema base na rin sa mga natatanggap naming reklamo from students. Teachers who are not doing their jobs properly. Hindi naman po siguro maling kalampagin ko sila para maitama kung ano man ’yung pagkukulang nila sa trabaho. After all, nagbabayad ang mga estudyante ng tuition fee sa paaralang ito at dapat naman sigurong matumbasan ng tamang pagtuturo ng mga guro ang perang ibinabayad ng mga nag-aaral dito.” Hindi nagpasindak si Maymay sa principal.
“Ang problema nilalagay mo ang mga guro at ang eskuwelahan sa isang napakalaking kahihiyan!” napalakas ang boses ni Mr. Domingo.
“Hindi po ’yun ang intensiyon, sir. Ginawa ko po ’yun para itama ang mali. Kung gusto ko pong ipahiya ang mga guro at ang paaralan, eh ’di sana pinangalanan ko na sila.” Buo ang paninindigan ni Maymay kahit alam niyang nagbabago na ng tono at mood ang kausap.
“I want you to make an apology in the next issue of The SG Chronicles. Babawiin mo ’yung sinulat mo sa editorial at hihingi ka ng apology for writing that,” seryosong sabi ng principal.
Umiling si Maymay. “Hindi ko po magagawa, sir. Pasensya na po pero kredibilidad ko as a campus journalist ang nakataya dito. I believe na walang mali sa sinulat ko at lalong walang dapat ihingi ng tawad.”
“Gagawin mo ang sinabi ko, or gagawin ko rin ang lahat para ’di ka maka-graduate sa school year na ’to.”
Pakiramdam ni Maymay ay nanlaki ang kanyang ulo dahil sa huling sinabi ni Mr. Domingo. Hindi na siya kaagad nakapagsalita.
“You may go now. At pag-isipan mong mabuti ang sinabi ko.”
Chapter 5
“HINDI n’yo puwedeng gawin ’yon, sir! Makikita sa records ko na nagagawa ko nang maayos ang obligasyon ko bilang estudyante. I am even running for honors, tapos hindi ako ga-graduate? Imposible po ’yun.”
“Then ’yong honors na inaasahan mo ang aalisin ko,” sarkastikong tugon ng principal.
“Do it, sir! And I swear, I will bring this matter to the Department of Education. I know my rights as a student, sir at kahit principal kayo, hindi ako papayag na tapakan n’yo ang karapatan ko bilang estudyante,” matapang na pahayag ni Maymay. “Kung wala na po kayong sasabihin, aalis na po ako.”
Tumalikod si Maymay at tinungo ang pinto para lumabas. Saktong pagbukas niya ng pinto ay siyang pagpasok naman ni Edward at muntik pa nga silang magkabungguan.
“Ops! I’m sorry!” paghingi ng dispensa ni Edward.
Tuloy-tuloy lang na lumabas ng pinto si Maymay. Hinanap nito si Kisses.
“Ate May!” tawag ni Kisses sa kaibigan.
“Halika ka, Kisses. Umuwi na tayo.” Diretso sa paglalakad si Maymay kaya walang nagawa si Kisses kundi ang sumunod.
“Anong nangyari?” Napansin agad ni Kisses ang tila pagbabago ng mood ng kaibigan.
“Saka ko na lang ikukuwento sa’yo. May konting problema lang,” tanging nasabi ni Maymay.
“Sige, ikaw ang bahala. You can contact me anytime kung gusto mo ng makakausap.”
Pagdating sa labas ng gate ay naghiwalay na ang dalawa. Walang sundo si Kisses ngayon kaya sumakay na lang ito ng jeep. Si Maymay naman ay nag-tricycle na lang pauwi sa bahay nila.
Sa principal’s office ay seryosong nag-uusap sina Edward at Mr. Domingo.
“That’s precisely the problem, Edward. The reputation of the school is in big trouble because of the editorial in the latest issue of The SG Chronicles. We need to do some damage control here. Otherwise, baka sa susunod na enrolment period ay wala nang mga bagong estudyanteng mag-enrol sa paaralang ito. Do you understand me, Edward? You are the student council president and I want you to do something about this issue,” mahabang paliwanag ng principal.
“Okay, sir. I’ll try to do everything to settle this issue.”
“Don’t try to do it! Just do it. And I want a positive outcome. Did I make myself clear?”
Tumango si Edward. “Yes, sir.”
“MALUNGKOT KA…”
Nilingon ni Maymay ang nagsalita. Ang mama Lorna niya.
“May problema ba, anak?” halata sa boses ng ina ang concern nito kay Maymay.
“Wala po, mama. Napagod lang po siguro ako sa school. Sobrang busy kasi namin sa dami ng activities, sunod-sunod.” Hindi na sinabi ni Maymay ang totoong dahilan. Ayaw niyang bigyn ng alalahanin ang kanyang ina lalo na at ilang araw na lang ay babalik na ito sa Japan. Matagal na namang mawawala ang mama niya at gusto niyang lagi itong masaya habang narito pa ito at kasama nila ng kapatid niya.
“Magpahinga ka muna. Hindi mo naman kailangang pagurin ng husto ang sarili mo. Habang ’di pa ako umaalis, gusto kong pagsilbihan kayo ng kuya mo. Kasi minsan ko na lang ’yun nagagawa sa inyo. Gusto ko kayong alagaan. Gusto ko kayong masubaybayan sa mga ginagawa n’yo. Kaso, hindi talaga puwede dahil kailangn ko ring magtrabaho para maitaguyod ang pag-aaral n’yo ng kuya mo.”
Niyakap ni Maymay ang inang nag-uumpisa nang lumuha. “Ma, naiintindihan naman namin ni kuya ang sitwasyon natin. Para sa amin, ikaw ang the best mama in the world. Walang makakapantay sa pagmamahal at sakripisyo mo para sa amin. Mahal na mahal kita, ’ma! Kaya ’wag ka nang umiyak kasi dapat masaya tayo.”
“Salamat, anak.”
Tahimik at nag-iisa sa student council office si Edward. Kanina pa niya paulit-ulit na binabasa ang editorial na sinulat ni Maymay at wala siyang nakikitang mali rito na sapat para ikagalit ng principal. Madiplomasya ang pagkakasulat ni Maymay. Wala rin itong binanggit na pangalan ng kung sino mang sangkot na mga guro. Nagbigay pa nga ng suhestiyon ang dalaga kung paano mas mapatataas ang kalidad ng edukasyon sa kanilang paaralan. Pero bakit ganoon na lang kaapektado si Mr. Domingo? Para pa nga itong leon na gustong mangagat kaninang nag-uusap silang dalawa. At si Maymay, malamang ay napagalitan ito kanina rin ng principal kaya hindi man lang siya binati nito at nagmamadali pang umalis.
Isang desisyon ang nabuo sa isip ni Edward. Kailangan niyang makausap si Maymay tungkol sa isyung naging dahilan ng pag-usok ng ilong ni Mr. Domingo. At sana ay makipagtulungan sa kanya ang dalaga para matapos na ang problema. Bukas na bukas din ay kakausapin niya si Maymay, pangako ni Edward sa sarili.
Ang pangako ni Edward na pakikipag-usap kay Maymay ay hindi natupad kinabukasan dahil hindi pumasok sa klase ang dalaga. Medyo nanlumo pa si Edward nang malaman nito mula sa mga kaklase ni Maymay na absent nga ito. Maging si Kisses ay walang masabi kung bakit nag-absent si Maymay dahil hindi nito sinasagot ang tawag at text messages ng kaibigan.
Nagpasya si Edward na kausapin na lang si Maymay sa sandaling pumasok na ulit ito ng paaralan.
Si Maymay ay kasalukuyang nasa mall kasama ang kanyang ina at kuya. Manonood sila ng sine. Katatapos lang nilang kumain at ngayon nga ay papunta na sila sa sinehan. Mabuti na lang at nakabili na sila ng tiket kanina bago sila nagpasyang kumain muna habang hinihintay ang next screening ng pelikula.
Ngayon lang napansin ni Maymay ang mga miscall mula kay Kisses. Pati mga text messages nito ay ngayon lang niya nabasa. Isa sa mga mensahe ang umagaw sa kanyang atensyon.
Kisses: Ba’t ’di ka pumasok? Nagpunta rito kanina sa room si Edward, hinahanap ka. Pero hindi naman sinabi kung bakit.
Napabuntong-hininga si Maymay. Parang alam na niya kung bakit siya hinahanap ni Edward. Marahil ay dahil sa pinag-usapan nila ni Mr. Domingo. Hindi nga ba’t kahapon ay nakasalubong niya ito nang papalabas na siya ng opisina ng principal?
Sinagot ni Maymay ang text message ni Kisses.
Maymay: Sinamahan ko si mama sa mall. Sinusulit ko lang ang oras kasi malapit na siyang bumalik ng Japan. May sasabihin ako sa’yo bukas pagpasok ko. Mag-usap tayo.
Mabilis ang pagdating ng reply ni Kisses.
Kisses: Afternoon pa ako makakapasok. Bukas na ’yung game nina Christian. Pagkatapos na game, pupunta kaagad ako sa school.
Oo nga pala, naisip ni Maymay. Nawala sa isip niya na muse ng basketball team si Kisses at bukas na ang game.
Maymay: Ok, see you tomorrow!
Ang buong maghapon ay inubos ni Maymay sa pagsasaya kasama ang pinakamamahal na ina at kapatid. Ang problema ay pansamantala niyang itinabi. May bukas pa naman. Bukas na lang niya haharapin ang mga problema.
Chapter 6
NAGKAKAGULO ANG mga tao sa gym ng Holy Angels College kung saan gaganapin ang basketball game. Nagsisigawan ang mga estudyante sa na kanina pa excited sa magaganap na laro.
Nasa bench si Donny at ang team mates niya sa St. Gabriel Mongoose. Sa kabilang bahagi, ilang metro ang layo sa kanila ay doon naman nakaupo ang kalabang team na Holy Angels Panther.
Tumayo si Donny.
“Saan ka pupunta?” tanong ng isang ka-team niya.
“CR lang.”
Mabilis na naglakad si Donny papuntang comfort room na katabi lang din ng comfort room ng mga babae. Siya lang ang tao roon pagpasok niya. Pumunta siya sa urinal at nagbawas ng tubig sa kanyang katawan. Nang matapos ay naghugas siya ng kamay at agad ding lumabas sa toilet para bumalik sa kanyang mga kasamahang nasa gym.
Lingid kay Donny, nasa kabilang comfort room si Kisses na abala sa pagre-retouch ng kanyang make-up.
Nakakailang hakbang pa lang si Donny pagkalabas mg comfort room nang may tumawag sa kanya.
“Donny!”
Nilingon niya ang tumawag at nagulat pa siya sa kanyang nakita. “Coach Robby?”
Si Coach Robby ang coach ng kalabang team nina Donny.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Hinanap talaga kita para sabihin sa’yo na kailangang ipatalo mo ang team n’yo.”
“Anong…?”
“My team needs this championship. I need this championship. Kailangang manalo ang team ko,” matigas na sabi ni Coach Robby.
“Hindi puwede. We also want to win. So, may the best team wins na lang, Coach Robby.”
Ngumisi ang coach. “Ipatatalo mo ang team mo o uuwi kang baldado. Your choice, man!”
“Are you threatening me?” napalakas ang boses ni Donny. Hindi siya makapapayag na gaganunin lang siya ng kung sino. God knows kung gaano kaimportante sa kanya ang pagiging team captain ng basketball team ng school niya. Dahil dito kaya siya nakakapag-aral. Maraming hirap ang dinaanan niya para makuha ang scholarship na ito kaya hindi siya makapapayag na mawala ito nang basta-basta. At mas lalong hindi siya makapapayag na masira ang pangalan niya dahil masasangkot siya sa isang pandaraya. Siya pa ba ang sisira sa team nila? Hindi maaari!
Hindi inaasahan ni Donny ang kasunod na gagawin ni Coach Robby. Hinawakan siya nito sa parteng leeg ng kanyang jersey at pinagbantaan. “Ipapatalo mo ang team mo sa ayaw at sa gusto mo.”
Papalabas na si Kisses sa comfort room pero mabilis din siyang napaurong pabalik nang makita niya ang isang lalaki na tila sinasakal si Donny. Maingat siyang sumilip sa gilid ng pinto ng toilet para makita kung ano ba talaga ang nangyayari sa labas. Tinalasan din niya ang pandinig upang masagap kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa.
“Hindi ko gagawin ang gusto mo,” matigas na sabi ni Donny.
Dinig na dinig ito ni Kisses. Nagulat pa siya at muntik nang mapasigaw nang makita niyang biglang sinuntok ng lalaki sa sikmura si Donny. Halos mapaluhod si Donny sa sakit na naramdaman.
Muling nagbanta ang lalaki, “Babalikan kita kapag hindi mo ginawa ang sinabi ko.” Iyon lang at agad itong umalis.
Agad na lumabas ng CR si Kisses at nilapitan si Donny. “Donny! Sino ’yon? Bakit ka niya sinuntok?”
“Wala, napagtripan lang siguro ako. Siyempre, dayo ako dito sa school nila. Nandiyan ka pala sa CR?”
“Oo, nag-retouch kasi ako. Eh, ano ’yung sabi mo sa kanya na ’di mo gagawin ang gusto niya?”
“Ha?” Hindi nakasagot si Donny. Narinig pala ni Kisses ’yon.
“Tapos sabi pa niya, babalikan ka niya kapag ’di mo ginawa ’yong sinabi niya. Ano ba talaga ’yon? Magulo eh.” Ayaw talagang paawat ni Kisses sa pagtatanong.
“Wala, kalimutan mo na ’yun. Halika na, baka mag-umpisa na ang parade.”
Wala nang nagawa ang dalaga kundi sumunod kay Donny.
“Coach Jerome, ayan na si Donny kasama si Kisses,” sabi ng isang team mate ni Donny nang makita nitong paparating na sila ni Kisses.
“Donny, Kisses bilisan n’yo mag-uumpisa na ang parade!” sigaw ni Coach Jerome.
Inalalayan ni Donny si Kisses dahil siya rin ang tatayong escort nito.
Ang parada ay ginanap doon din lang sa loob ng gym. Umikot doon ang dalawang magkalabang team kasama ang kanilang muse.
Pagkatapos ng parada ay nagsimula na ang laro.
Maganda ang simula ng laro ng team ni Donny. Mabilis silang nakaipon ng 12 puntos kumpara sa 8 ng kalaban. Maganda ang inilaro ni Donny. Katunayan, nakapagbuslo siya ng kabuuang 28 points sa score nilang 47 bago matapos ang first half.
Nang tumunog ang buzzer sa pagtatapos ng first half ng laban, 47-42 ang score pabor sa St. Gabriel Mongoose.
Pabalik sa bench ay nasulyapan ni Donny si Coach Robby na tila masama ang tingin sa kanya. Binalewala na lang niya iyon. Nag-concentrate na lang siya sa binuong game plan ni Coach Jerome para masiguro ang panalo nila.
Kauumpisa pa lang ng second half nang mangyari ang isang aksidente. Habang hawak ni Donny ang bola at nagdri-dribble papunta sa goal ay sinalubong siya ng isang kalabang player at nagtangkang supalpalin ang pagtira niya ng bola. Bumangga sa katawan ni Donny ang kalaban at nawalan siya ng balanse na naging dahilan para bumagsak siya sa court. Naitukod niya ang kanyang kanang kamay at agad siyang nakaramdam ng kakaibang sakit at saka niya napansin ang biglang pamamaga ng bahaging nagdudugtong sa kanyang kamay at braso.
Hindi na nakapaglaro si Donny dahil kinailangang bigyan siya ng first aid ng medics na nakaantabay sa isang parte ng gym. Nang makitang na-dislocate ang buto sa kanyang pulso ay minabuti nang dalhin siya sa ospital para mabigyan ng agarang atensyong medikal. Si Kisses ay nagboluntaryong samahan sa ospital si Donny. Agad na rin nitong tinawagan ang mga magulang ni Donny para ipaalam ang nangyari sa binata.
Pagdating sa ospital ay agad na inasikaso si Donny. Pina-xray ang kanyang kamay para makita kung gaano kalaki ang naging pinsala sa buto nito. Nang lumabas ang x-ray result pagkalipas ng isang oras, at saka inihanda si Donny para sementuhan ang nabali nitong buto.
“KISSES!”
“Ate May!”
“O, kumusta ang game nina Donny?” tanong ni Maymay.
“Hindi ko pa alam kung sinong nanalo. Naaksidente kasi sa court si Donny, nabalian ng buto sa kamay. Ako na ’yong sumama sa ospital.”
“Galing kang ospital ngayon?”
“Oo, mula ospital dumiretso na ako rito. Nakauwi na si Donny. Nasementuhan na ’yong wrist niya. Gusto ngang pumasok eh. Pero hindi na pinayagan ng parents niya. Bukas na lang siguro siya papasok.”
“Mabuti naman at okay na siya.”
“Ano nga pala ’yung sasabihin mo sa akin?” biglang naitanong ni Kisses.
“Ahh, naalala mo ba ’yung kahapon noong pinatawag ako ng principal?”
“Oo. Ano nga ba ang nangyari doon at parang iba na ang mood mo noong lumabas ka ng principal’s office?”
“Hindi nagustuhan ng principal ’yung editorial na sinulat ko sa The SG Chronicles. Gusto niyang bawiin ko ang isinulat ko roon at mag-public apology ako sa next issue ng SG. Hindi ako pumayag dahil alam kong tama ako at walang mali sa isinulat ko.”
“Anong sabi ng principal?”
“Pinagbantaan niya akong hindi ako ga-graduate with honors kung hindi ko gagawin ang utos niya.”
“Paano ’yan?”
“Hindi naman ako natatakot sa kanya. Gawin niya kung anong gusto niyang gawin. At gagawin ko rin ang dapat kong gawin para maipaglaban ang karapatan ko,” buo ang loob na tinuran ni Maymay. “Hindi ako natatakot sa kanya, Kisses. Kahit principal pa siya!”
Chapter 7
KINABUKASAN ay pumasok na rin si Donny. Naka-benda ang kanyang kanang kamay na sinemento kahapon lang.
“What happened to you?” tanong ni Edward na itinuro ang nakabendang kamay ng kaklase.
“Accident sa basketball kahapon. Hindi na nga ako nakapaglaro dahil isinugod na ako sa ospital.”
“Ah, that explains why your team lost in the game.”
Nanlaki ang mga mata ni Donny. “What? Natalo kami?”
“You didn’t know?”
Umiling si Donny kasabay ang panlulumong rumehistro sa kanyang mukha. “Lamang kami bago ako naaksidente.”
Hindi na sumagot si Edward.
NANG MATAPOS ang klase ay hinanap ni Donny si Coach Jerome.
“Coach…”
“Donny! I’m glad you’re here. Actually, ipatatawag nga dapat kita anytime today. Good thing na ikaw na ang nagboluntaryong pumunta rito.”
Tila naguluhan si Donny. “Ipatatawag po? Bakit, coach?”
“Are you aware that we lost in the game yesterday?” tanong ng coach.
Marahang tumango si Donny. “Nabanggit nga po sa akin ni Edward kanina.”
“And do you know who to blame for that misfortune?”
Napakunot-noo siya. May pinupunto ba ang coach niya? “Anong ibig mong sabihin, coach?”
“Right after the game, there was a spreading rumor na sinadya mong ipatalo ang laro. Na intentional ang pagkaka-aksidente mo. Siguro hindi mo lang ine-expect na magiging ganun kalala, pero everything was done according to what you have planned. Nakipagsabwatan ka sa kalabang team para sila ang manalo.”
“What? No, coach that is impossible!”
“Iyan ang kumakalat na balita. Ayoko ring maniwala, pero may nakakita sa’yo na kausap ang coach ng kalabang team few minutes bago mag-umpisa ang laro.”
Hindi makapaniwala si Donny na magkakaroon ng ganoong implikasyon ang pagkakatalo nila. “Coach, hindi ko magagawa ’yun. Hindi ko puwedeng ipatalo ang team natin. Alam mong hindi ko ilalagay sa alanganing sitwasyon ang scholarship ko.”
“The school will be conducting an investigation. Kapag napatunayang nakipagsabwatan ka nga sa kalabang team, hindi lang scholarship ang mawawala sa’yo. Baka ma-expel ka pa rito sa eskuwelahan,” seryosong pahayag ni Coach Jerome.
“Coach, sasaktan ko ba ang sarili ko ng ganito para lang maipatalo ang team? Nakita mo naman, bago ako maaksidente lamang tayo sa kalaban,” pangangatwiran ni Donny.
“Exactly! Lamang tayo sa kalaban kaya nagkunwari kang naaksidente para ’di ka na makapaglaro. Hindi nga naman mahahalata na ipinatalo mo ang team because you harmed yourself.”
Napailing-iling si Donny. “Hindi… Naniniwala ka ba, coach na magagawa ko ’yun? I will never do such an act. Hindi ako traydor. Bakit ko ipapatalo ang team? Anong mapapala ko kung makikipagsabwatan ako sa kalabang team? Coach naman…”
“Basta ihanda mo na lang ang sarili mo. The investigation committee will summon you one of these days to answer questions relative to this incident. Sana nga, Donny ay wala kang ginawang pagtatraydor sa ating eskuwelahan,” seryosong pahayag ng coach.
“Wala talaga, coach. Malinis ang konsensya ko.”
“You have to prove that. Sorry, Donny pero kailangang linisin mo ang pangalan mo. And by the way, while the investigation is still ongoing hindi ka puwedeng um-attend ng praktis natin. Temporarily suspended ka sa team hanggang sa matapos ang imbestigasyon.” Tumayo si coach at muling nagsalita, “Mag-uumpisa na ang klase ko. So, kung wala ka nang sasabihin mauuna na ako.”
Marahang tumango si Donny. “Sige, coach. Salamat…”
Naiwan siyang hindi alam kung anong gagawin. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang magalit. Pero kanino? Sino ang pagbubuntunan niya ng sobrang sama ng loob na nararamdaman niya ngayon? At sino ang taong gustong sumira sa kanya dito sa eskuwelahan? Nakita raw siyang kausap ang coach ng kalaban. Eh, ’di sana nakita rin nito kung paano siya kinuwelyuhan nung tanggihan niya ang gustong mangyari ng coach ng kalaban.
Sino ang makakatulong sa kanya para linisin ang kanyang pangalan?
HINDI INAASAHAN ni Maymay ang pagpunta ni Edwards sa editorial room. Mag-isa lang siya roon at papaalis na rin sana nang dumating ang presidente ng student council.
“Good morning, Maymay. Can I talk to you for a while?”
“Sure. Please take a seat. This is regarding what matter?”
Umupo si Edward bago sumagot, “This is about the issue discussed to you by the principal the other day.”
Bahagyang tumaas ang kilay ng dalaga. “What about that? Ano ang gusto mong malaman?”
“The principal asked me to convince you to retract whatever is stated in your editorial. And for you to ask for an apology for writing that,” mahinahong saad ni Edward.
“So, you really believe that I’ll do that? Walang mali sa sinulat ko. Wala akong pinangalanang tao. And you expect me to say sorry?” Ang itsura ni Maymay ay ’yung tipong hindi magpapatalo. “Tuta ka na ba ng principal, Edward?”
“No, of course not! But the principal has told you what he can do if you did not retract your editorial. Iniiwasan ko lang na mas gumulo pa ang sitwasyon. Ayoko rin naman na mag-suffer ang scholastic standing mo dahil lang doon.”
“I’m not bothered by his threats, really.” Buo ang loob ni Maymay na panindigan kung ano man ang isinulat niya sa school organ.
“Maybe you can talk again with the principal. Why don’t you meet halfway? Para hindi na ’to lumala pa.”
“Edward, I’m sorry pero wala akong babaguhin sa isinulat ko. At wala rin akong gagawing public apology.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Edward.
“Let me ask you a question,” biglang sabi ni Maymay. “Naniniwala ka ba na may mali sa isinulat ko?”
Umiling si Edward.
“Kitam! Eh, ba’t mo ako kinakausap para sundin ang utos ng principal?”
“Ako ’yung naiipit sa inyong dalawa. Naiintindihan ko ’yung ipinaglalaban mo. Pero on the other hand, tungkulin ko as president of the student council na magkaroon ng maayos sa relationship ang faculty, school officials at mga estudyante. Much more, magkaroon ng peace and order sa campus. How can I do that if there is a conflict between you and the principal, or between you and the teachers involved in your exposé?” mahabang paliwanag ni Edward.
Katahimikan.
“Please, Maymay…”
“Sorry, hindi talaga puwede. Kredibilidad ko as a student writer ang nakataya rito. Ano pang mukha ang ihaharap ko sa lahat ng mga estudyante rito kung babawiin ko ang mga isinulat ko? Ano ang iisipin nila sa akin? Na hindi ko kayang panindigan ang isinulat ko? Na nabahag ang buntot ko sa takot sa principal? Na nabayaran ako para bawiin ang katotohanang naisulat ko na? Edward, hindi ko isinulat ’yon dahil gusto ko lang. Isinulat ko ’yun mula sa mga reklamong natatanggap namin mula sa iba’t-ibang mga estudyante na naka-encounter mismo ng mga gurong incompetent at pabaya sa kanilang trabaho. Kung babawiin ko ’yung isinulat ko, para ko na rin silang iniwan sa ere. Ganoon ba ang gusto mong mangyari?”
Hindi nakasagot si Edward. Naintindihan ba niya lahat ng sinabi ni Maymay? O kailangang i-translate sa English ang mga sinabi nito?
Nagpatuloy si Maymay. “Why don’t you conduct an investigation and see for yourself kung sino ang dapat panigan ng student council sa isyung ito? Ako ba o ang principal?”
Author’s
note
:
Maraming
salamat
po
sa
patuloy
n’yong
suporta
sa
kuwentong
ito
. Sana, abangan
n’yo
po
ang
susunod
na
kabanata
.
Chapter 8
NAPANSIN ni Edward na tahimik lang sa isang sulok ng classroom si Donny. Nilapitan niya ito at tinapik sa balikat. “Bro, what happened? You seem so sad.”
Umiling lang ang binata. “W-wala…”
“That’s impossible. I have never seen you that sad and quiet,” argumento ni Edward. Tell me, maybe I can help.“
Huminga ng malalim si Donny bago ito nagsalita. “Do you think I’m capable of betraying my team?”
Ngumiti si Edward. “I know you. You can’t do that. You value your basketball team so much. Why? Is there a problem?”
“Nakausap ko si coach. Pinagbibintangan nila ako na ibinenta ko raw ang laro. That the accident yesterday at the gym was just a sham.”
“What?” Hindi makapaniwalang sabi ni Edward.
“They will be conducting an investigation. I need to prove to them na hindi ko ibinenta ang laro kahapon. God knows na hindi ko ’yun ginawa at hindi ko gagawin kahit kelan,” nanginig ang boses ni Donny kasabay ang pagpatak ng kanyang luha. “Edukasyon ko ang nakataya rito. Hindi ako makakapag-aral dito kung hindi dahil sa scholarship, kaya walang dahilan para gumawa ako ng mga bagay na pwedeng maging dahilan ng pagkawala ng scholarship ko.”
“How can I help you?” sinserong tanong ni Edward.
“Hindi ko alam. But I’ll prove to them na wala akong masamang ginawa.”
“If there’s anything I can do, don’t hesitate to tell me.” Hinawakan ni Edward sa balikat ang kaibigan at kaklase.
“Salamat…”
“Excuse me… Edward.”
Sabay na napalingon sa pintuan ang dalawang lalaki
“Maymay…” Si Edward. “Bakit?”
“Puwede ko bang makausap kayong dalawa ni Donny?”
“Sure!” mabilis na sagot ni Edward na agad pang lumapit kay Maymay. Si Donny naman ay tumayo at lumapit din sa dalaga.
“Tungkol saan?” tanong ni Donny.
“Aware ka naman siguro na kumakalat na balita tungkol sa pagkatalo ng basketball team kahapon. Gusto kong kunin ang panig mo tungkol doon, para fair din naman sa’yo. At si Edward naman, kukunin ko rin ang panig ng student council sa usaping iyon. Kelan ko ba kayo puwedeng makausap? Hindi sabay, ha? Puwedeng bukas or kung kelan kayo available.”
“Let’s do it tomorrow, Friday. We will be very busy on Monday because it’s Foundation Day so let’s finish all issues tomorrow para we’ll all have fun next week,” maagap na sagot ni Edward.
“Donny, okay lang ba sa’yo?” tanong ni Maymay.
“Alam n’yo na pala. I thought hindi pa kalat sa campus.”
“Hindi pa naman kalat. May nakarinig lang na staff ko na nag-uusap ang mga ka-team mo sa gym, kasama ang coach n’yo. Mukhang kumbinsido sila na may ginawa kang hokus-pokus. Kaya gusto naming kunin naman ang side mo para malaman ng lahat ang two sides of the story. We will also be talking to Coach Jerome.”
Tumango si Donny, “Okay…”
“So, I’ll see you guys tomorrow before lunch time. Would that be all right?” tanong ni Maymay.
“Yeah, before lunch time tomorrow.” Si Edward.
“Okay,” pagsang-ayon din ni Donny.
“Mauuna na ako. Bye!” Umalis na si Maymay at naiwan ang dalawang lalaki. Ngunit nakakailang hakbang pa lang siya nang marinig ang pagtawag ni Edward.
“Maymay!”
Napalingon ang dalaga na ang mga mata ay tila nagtatanong kung bakit.
“Nothing. I just wanna say take care.” tila nahihiyang sambit ni Edward.
Ngumiti si Maymay. “Salamat.” At nagpatuloy na siya sa paglalakad.
Tiningnan ni Donny si Edward. Ngumiti siya pagkatapos ay nagsalita, “Take care…” Napahalakhak pa siya sa kanyang ginawang panggagaya kay Edward. “May pa-take care, take care ka pang nalalaman.”
Nahihiyang ngumiti lang si Edward. Alam naman niyang alam ni Donny na lihim niyang gusto si Maymay.
NAKABALIK NA ng editorial ofice si Maymay. Si Aizan lang ang naabutan niyang tao roon.
“Ate Maymay, nanggaling nga pala rito si Mrs. Pineda. Pinasasabi niya na pumunta ka raw sa faculty room. Gusto ka niyang makausap.” Hindi man niya itanong, parang alam na rin ni Aizan ang dahilan ng pagpapatawag ng kanilang editorial adviser. Narinig na niya ang mga balita tungkol sa editorial na isinulat ni Maymay. Alam niyang nagdulot iyon ng usap-usapan sa kanilang paaralan.
“Ngayon na ba, Aizan?”
Tumango ang tinanong.
“Sige, pupuntahan ko na. Para matapos na rin ito. Nakakasawa nang mag-explain,” matamlay na sabi ni Maymay.
“Kaya mo ’yan, ate Maymay. Tiwala lang,” pagpapalakas-loob ni Aizan sa dalaga.
“Ikaw na muna ang bahala rito. Babalik ako kaagad.” Umalis na siya para puntahan si Mrs. Pineda sa faculty room.
Madaling narating ni Maymay ang faculty room. Sarado ang pinto kaya kumatok muna siya ng tatlong beses bago pumasok.
“Ma’am…” mahinang tawag ni Maymay sa guro. “Pinatatawag n’yo raw po ako?” Napansin ni Maymay na mag-isa lang ang guro sa loob ng silid. Mabuti naman. Walang ibang makaririnig ng pag-uusapan nila ng editorial adviser. Hindi siya mapapahiya kung sermunan man siya ni Mrs. Pineda.
“O, nandito ka na pala. Maupo ka.” Hindi nakangiti ang guro, agad na napansin iyon ni Maymay.
Umupo siya sa silyang nasa harapan ng desk ng guro.
“Alam mo na siguro ang dahilan kung bakit kita pinatawag,” umpisa ni Mrs. Pineda.
“Tungkol po ba sa editorial sa last issue ng The SG Chronicles?”
“Oo. Kinausap ako ni Mr. Domingo tungkol doon. Sabi niya, nagkausap na kayo. Pero nagmatigas ka raw. Ayaw mo raw i-retract ang isinulat mo.” Sa tono ni Mrs. Pineda ay hinihingi nito ang kumpirmasyon mula kay Maymay. “Totoo ba ’yon?”
“Opo, kinausap na niya ako. Gusto po ni Mr. Domingo na mag-public apology ako sa next issue ng Chronicles at bawiin ko rin ang isinulat kong editorial.”
“Bakit ayaw mong gawin?” seryosong tanong ni Mrs. Pineda.
“Ma’am?” Hindi makapaniwala si Maymay. Pati ba naman ang editorial adviser nila ay hindi rin niya kakampi?
“Pahahabain pa ba natin ’to, Maymay? Bakit hindi na lang natin gawin ang dapat gawin, para tapos na?”
“Pati ba naman kayo, ma’am? Sa tingin n’yo rin po ba ’yun ang dapat gawin? Hindi n’yo po ba naisip kung paano naman ako? Iyong kredibilidad ko as a campus journalist. Ano na lang ang kalalabasan ko? Isang walang kuwentang student writer. Walang kredibilidad. Nagsusulat ng walang basehan.” Gustong umiyak ni Maymay pero hinding-hindi niya gustong makita ng guro na lumuluha siya. “Hindi tsismis ang isinulat ko. May mga estudyanteng nagsumbong at nakausap ko sila mismo. Palalampasin ba natin ang mga maling ginagawa ng ibang mga guro para pagbigyan ang gusto ni Mr. Domingo? At my expense, ma’am dahil ba estudyante lang ako? Kaya okay lang na ako lang ang mapahiya at mawalan ng mukhang maihaharap sa mga nag-aaral dito? Sa lahat ng mga tao rito?”
“Iniiwasan lang natin na magkaroon pa ng mas malaking epekto sa school natin ang isinulat mo,” depensa ng guro.“
“Kelan pa po ba naging masama ang pagsasabi ng katotohanan? Guro ka, ma’am. Ikaw pa ba ang magtuturo sa akin na pagtakpan ang mga hindi magagandang nangyayari dito sa eskuwelahan natin? Editorial adviser ka namin. Kaya ka ba nila inilagay diyan ay para harangin ang lahat ng hindi magagandang balita about the teachers na hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin?” Hindi na napigilan ni Maymay ang bugso ng kanyang emosyon kaya nailabas niya ang lahat ng hinanakit sa naipon sa kanyang dibdib.
“Maymay! Sinasabi mo bang nababayaran ako?”
“Sorry po, ma’am. Hindi po ganoon ang ibig kong sabihin. Sana lang po, tingnan n’yo ’yung bawat panig. At kung saan ang tama, sana doon kayo kumampi. Hindi ko po sinasabing ako ang tama, pero sana po timbangin n’yong mabuti kung mali ba talaga ang ginawa ko.”
Direktang tiningnan ni Mrs. Pineda sa mga mata si Maymay na hindi naman nagpatalo at nakipagtitigan din sa kanyang guro.

