loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Curse of the Wooden Rosary

Curse of the Wooden Rosary

vincentmanrique · 31 chapters · 40,430 words

Curse of the Wooden Rosary

Habang iniimbestigahan ang pagkamatay ng isang residente sa lugar na kanyang nasasakupan, nalaman ni Police Investigator Helen Domingo ang kuwentong umiikot sa kanilang probinsiya tungkol sa isang rosaryong gawa sa kahoy na diumano’y isinumpa. Ayon sa kuwento, ang sinumang gumamit ng rosaryong iyon o umangkin dito ay mayroon na lang hanggang 13 araw para mabuhay. Ibig sabihin, maaari siyang mamatay anumang oras simula ngayon hanggang sa ika-labintatlong araw.

Hindi naniniwala si Helen sa mga kuwentong-bayan kaya kinuha niya ang rosaryo at inilagay sa presinto bilang isa sa mga posibleng ebidensiya sa pagkamatay ng biktima. Ilang sunud-sunod na mga imahe ang biglang lumitaw sa kanyang isip na labis niyang ikinagulat. Nakakita siya ng tutang bumabalanse sa isang beach ball, isang lumang diyaryo na may balita tungkol sa isang naaksidenteng kotse, isang dagang may hood na nagbubunganga tungkol sa pananampalataya, at isang balon ng malinis na tubig na nasa isang nakapangingilabot na kagubatan.

Sa kanyang pag-iimbestiga, nalaman niyang may ilan pang mga namatay sa iba pang mga bayan sa kanilang probinsiya na katulad ng sa hinahawakan niyang kaso. Ang lubos lang na ipinagtataka ni Helen ay ang itsura ng mga naging biktima. Kung titingnan mo ang mga ito ay parang namatay lang sa natural na paraan. Pero kapag kinunan ng litrato ang bangkay, ibang imahe ang kanyang nakikita. Nababalot ng tila kaliskis na gaya ng sa balat ng ahas ang kanilang mga balat.

Nang mapansin ni Helen na maging siya ay tinutubuan na rin ng tila kaliskis ng ahas sa kanyang braso at likuran, doon siya naniwalang posibleng totoo nga ang sumpa sa rosaryong kahoy. Humingi siya ng tulong sa kanyang boyfriend na si Nathan Torres na empleyado sa isang pampublikong opisina.

Sinuri ni Nathan ang rosaryo at boluntaryong inilagay ang kanyang sarili sa sumpang dala nito. Mas pipiliin niyang damayan ang nobya at dalawa silang mamatay kaysa pabayaan itong mag-isa sa hinaharap na problema. Ngayon ay nakapila na siya sa mga taong posibleng mamatay dahil sa sumpa ng rosaryo, simula ngayon hanggang sa ika-labintatlong araw.

Kailangan nang kumilos nina Helen at Nathan para tuklasin ang ibig sabihin ng mga imaheng lumitaw sa kanilang mga isip. Tumatakbo ang oras. Lumilipas ang mga araw. Dapat silang magmadali bago pa sila kapusin sa oras at tuluyan nang mamatay!

Prologue

MADILIM ang gabi. Ang kadiliman nito ay lalo pang pinadilim ng masungit na panahon. Bago pa lang kinakain ng dilim ang liwanag nang magsimulang umulan. Hindi na ito tumigil hanggang sa mga oras na ito. Kaya naman ang mga residente ng lugar na iyon ay nanatili na lang sa loob ng kanilang mga tahanan. Lahat nga yata ng mga tao sa bayang iyon ay tulog na maliban sa isang babaing balisang nakatingin sa repleksyon niya sa salamin.

Gumuhit ang matinding hilakbot sa buong pagkatao ng babae sa nakikita niyang itsura sa repleksyon niya sa salamin. Unti-unti nang kumakalat sa buo niyang braso ang kaliskis na tila balat ng ahas. At maging ang mukha niya ay unti-unti na ring nababalutan ng kaliskis at hindi niya maipaliwanag kung bakit. Noong isang araw nang magsimula niyang mapansin ang mga pagbabago sa kanyang balat. Akala niya noong una ay kung anong skin allergy lang kaya hindi niya masyadong binigyang-pansin. Pero iba na ngayon. Hindi na ito basta skin allergy lang. Bukas na bukas ay kailangan na niyang magpakonsulta sa doktor para maagapan ang kung anumang mikrobyo o sakit na kumakalat sa kanyang balat.

Muli niyang sinilip sa salamin ang kanyang repleksyon at napasigaw siya sa matinding takot. Pero walang sinumang makaririnig sa kanya dahil sa malakas na ulan sa labas. Ang tinig niya’y siguradong lalamunin lang ng nagngangalit na sama ng panahon.

Ano ba itong nangyayari sa kanya? Bakit nagkakaganito ang kanyang balat?

Mas lalo pa siyang kinabahan nang makita niyang mas mabilis nang nababalot ng tila kaliskis na iyon ang kanyang balat. Para itong ahas na gumagapang sa kanyang balat para balutin ang buo niyang katawan. Ilang sandali lang ay tuluyan nang nabalot ng kaliskis ang kanyang braso at mukha. At saka naman niya naramdamang parang may kakaiba ring nangyayari sa kanyang dibdib at likuran.

Mabilis niyang hinubad ang suot na blusa at nakumpirma niya ang kanyang hinala. Maging ang kanyang dibdib ay halos mabalot na rin ng tila makaliskis na balat ng ahas! Tumalikod siya at pilit na tiningnan ang kanyang likod. Anong panghihilakbot niya nang makitang pati ang likuran niya ay naging tila balat ng ahas na rin.

Kinakabahan man ay pinilit niyang maging kalmado. Alam niyang walang maidudulot  na maganda kung magpa-panic lang siya.

Naalala niya ang rosaryong  nasa bulsa ng kanyang palda. Dinukot niya iyon at umusal ng panalangin.

“Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo…” Abot-abot ang magkahalong kaba at takot sa kanyang katawan. Naglalapot na ang pawis sa kanyang mukha. “Bukod kang pinagpala sa babaing lahat, at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus.”

Napasigaw siyang muli nang makita sa salamin na halos mabalot na rin ng balat ng ahas ang kanyang katawan. Mas napalakas ang kanyang pagdarasal.

“Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo… Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo…” Palakas nang palakas ang kanyang pagsusumamo sa Mahal na Birheng Maria. Halos nga ay sumisigaw na siya sa pagdarasal. “Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo!”

Bigla na lang siyang napahinto sa pagdarasal, lukob pa rin ng takot ang kanyang mukha. May sari-saring imahe ang tila pelikulang nag-flash sa kanyang isipan. Malinaw niyang nakita ang mga pamilyar na imahe. Pamilyar dahil hindi lang ito minsang gumulo sa kanyang isipan. Maraming beses na. Muli niyang nakita ang isang tuta na nagbabalanse sa isang plastic na beach ball. May nakikita rin siyang isang lumang diyaryo na may balita tungkol sa isang aksidente sa kotse. Malinaw rin niyang nakita ang isang hooded rat na nagbubunganga tungkol sa pananampalataya. At higit sa lahat, nagdala ng pagkabalisa sa kanyang isip ang isang balon ng malinis na tubig na nasa isang nakapangingilabot na kagubatan. Hanggang ngayon ay hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng mga nakikita niyang imahe at kung bakit ito salit-salitang gumuguhit sa kanyang isipan. Pero ang kaibahan nga lang ngayon ay may isa pang mas malinaw na imahe ang nakikita niya sa kanyang isip. Tila ba nanonood siya ng isang lumang pelikula. Pelikula nga ba ito? May nakikita siyang isang may edad na babaeng abala sa kung anong ginagawa nito. Mamaya pa ay dumating ang isang dalagita na masayang sinalubong ng may edad na babae. Mag-ina sila. Masayang nag-usap ang dalawang babae, kung ano man ang pinag-usapan ng mga ito ay hindi na niya naintindihan.

“Aray!” Bigla siyang napasigaw kasabay nito ang pagkakabitiw niya sa hawak na rosaryo. “Ang init!”

Tinitigan niya ang rosaryong bumagsak sa sahig. Nagdadalawang-isip siya kung dadamputin ba ito o hindi. 

Sa huli ay nagpasya siyang damputin ito. Dahan-dahan niyang inilapit ang kanang kamay sa rosaryo para pulutin ito.

“O, hindi naman mainit. Guni-guni ko lang ba ’yong kanina?” nagtataka niyang tanong sa sarili. “Pero mainit talaga kanina. Imposible namang basta ko na lang mabitawan ang rosaryo.”

Tinitigan niya ang rosaryo na tila ba sinusuri ang bawat butil nito. Pero wala naman siyang makitang kakaiba rito. Ang kakaibang nakita niya ay ang kanyang kamay at braso na katulad na ng sa balat ng ahas ang itsura. Mukha na siyang taong ahas dahil balot na balot na ang balat niya ng balat na katulad ng sa ahas! Sa itsura niya ngayon, walang hindi magsasabing isa na siyang taong ahas!

Gimbal na gimbal ang babae sa nangyari sa kanya. Hindi na maabot ng kanyang isip ang mga kakatwang kaganapan.

“Ano ’to?” malakas niyang sigaw. “Bakit nangyayari sa akin ito?” Mabilis niyang dinampot ang hinubad na blusa at saka isinuot. Napatakbo siya sa labas pero pagbukas niya ng pinto ay  sinalubong siya ng malakas na hangin at ulan na naging dahilan para siya ay mapahinto.

Napasigaw siya na tila wala sa sariling katinuan.

Walang pag-aalinlangan niyang isinara ang pinto at saka napaluhod upang muling magdasal.

“Diyos ko! Anong nangyayari sa akin? Bakit naging ganito ang itsura ko? Bakit naging ahas ang balat ko? Tulungan mo ako, Diyos ko!!!” Ang pagsusumamo niya sa Diyos ay naging isang marubdob na pagtangis.  “Bakit nangyayari sa akin ito?” Hindi siya tumigil sa pag-iyak na para bang babalik sa dati ang itsura ng kanyang balat kapag nahugasan ng luha mula sa kanyang pag-iyak.

Muli siyang umusal ng taimtim na panalangin.

“Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaing lahat, at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus!” Kasabay ng pagbanggit niya sa pangalan ng Anak ng Diyos ay biglang tila kinapos siya ng hininga at unti-unting nangisay hanggang sa tuluyang bumagsak sa sahig ang walang buhay niyang katawan.

Chapter 1

PUMARADA ang owner-type jeepney na minamaneho ni Police Investigator Helen Domingo sa tapat ng isang bahay. Halos mapuno ng mga tao sa lugar na iyon ang labas ng bahay dahil bawat isa ay gustong makiusyoso sa babaing natagpuang patay sa salas ng bahay nito.

“Paraan! Makikiraan po…” Sinagasa ni Helen ang mga tao para makasingit siya papunta sa loob ng bahay. Naabutan niya roon ang kapitan ng barangay at ilang mga kagawad nito.

“Sino ang unang nakakita sa bangkay? Anong pangalan niya?” tanong ni Helen kay Kapitan.

“Marissa Andres ang pangalan ng namatay.  Ang nakababata niyang kapatid na si Rona ang nakakita na nakabulagta si Marissa dito sa salas at wala nang buhay pagkauwi niya ngayong umaga,” paliwanag ng kapitan. “Hindi pa namin ginagalaw ang bangkay.”

Pinagmasdan ni Helen ang walang buhay na babae na nakahandusay sa salas. Sinuri niya ito sa posibleng dahilan ng pagkamatay. Tiningnan kung may sugat o pasa man lang ang bangkay. Wala naman siyang makitang kakaiba sa itsura nito. Parang namatay lang ito sa natural na paraan. Puwedeng inatake sa puso at sa salas na inabutan.

Isa ang tumawag sa kanyang atensyon, ang rosaryong hawak nito.

Dinampot ni Helen ang rosaryo. Nagdadasal ba ang babae nang abutan ng kamatayan?

“May ipapakita sana ako sa’yo,” biglang sabi ni Kapitan.

“Ano po ’yon?”

Lumapit kay Helen ang matandang lalaki hawak ang cellphone nito.

“Kinunan namin ng litrato ang bangkay kanina bago ka pa dumating. Eto, tingnan mo…” Ipinakita ni Kapitan kay Helen ang mga litraro at anong gulat niya sa natunghayan. Ang bangkay na nasa mga litrato ay ibang-iba sa bangkay na nasa kanilang harapan. Ang mukha, braso, kamay, binti at mga paa nito ay nababalutan ng tila balat ng ahas.

Nilingon ni Helen ang bangkay. Bakit wala namang balat ng ahas sa bangkay na nasa kanyang harapan? Ang nakikita niya ay isang normal na bangkay. Ang nasa mga larawan ay tila isang freak na nilalang!

“Bakit ganito?” hindi makapaniwalang tanong ni Helen. May problema ba sa mga mata niya? “Siya ba ito, Kapitan? Totoo ba ’to?” sunod-sunod niyang tanong sa labis na pagtataka.

Mabilis niyang dinukot sa bulsa ang sariling cellphone at agad na kinunan ng litrato ang bangkay sa iba’t-ibang anggulo. Pagkatapos ay kanya rin itong tiningnan.

Nanlaki ang mga mata ni Helen sa natunghayang mga larawan. Katulad ng mga larawang ipinakita ni Kapitan ang bumulaga sa kanya. Paanong nangyaring iba ang lumalabas na imahe sa mga larawan kung ikukumpara sa itsura ng bangkay na kanyang nilitratuhan?

Ibinalik niya sa bulsa ang cellphone kasama ang rosaryong nakuha niya sa kamay ng bangkay.

“Kapitan, nandiyan na ang ambulansya!” malakas na sabi ng isang tanod na natanawan mula sa bintana ang pagdating ng sasakyan.

“Nasaan si Rona?” tanong ni Helen kay Kapitan.

“Nandito po ako.” Mula sa likuran ay narinig ni ang boses ng babae.

Hinarap niya ang babae. “Rona, puwede ka bang pumunta mamaya sa presinto? May ilang mga bagay lang akong itatanong sa’yo tungkol sa ate mo.”

Tumango ang babae.

“Takpan mo na ng kumot ang kapatid mo. Kailangang dalhin sa ospital ang bangkay para ma-awtopsiya.

Kaagad na kumilos si Rona para kumuha ng kumot at nang bumalik ay nasa loob na rin ng bahay ang mga tauhan ng ospital na magdadala sa bangkay ng kanyang kapatid.

Tinakpan ni Rona ng dalang kumot ang walang buhay niyang kapatid bago ito inilabas ng bahay ng mga tauhan ng ospital.

“Kapitan, mag-usap tayo sa ibang araw tungkol diyan sa mga larawang hawak mo. Hanggang ngayon ay hindi ko maisip kung bakit nagkaganoon ang mga litrato.”

“Ako man ay nagtataka. Kaya nga pinagbawalan ko agad na makapasok ang ibang mga tao. Ayokong may ibang kumuha rin ng litrato at makita nila ang nakapagtatakang sitwasyong ito. Baka pagsimulan ito ng takot dito sa lugar namin,” pahayag ni Kapitan.

“Isasama ko ito sa imbestigasyon ng kasong ito, Kapitan,” matapat niyang sabi tapos ay nagpaalam na siya sa opisyal ng barangay. “Mauuna na ako sa inyo.”

HANGGANG sa makabalik ng opisina ay laman ng isip ni Helen ang kakaibang nasaksihan. Paano nga ba nangyaring ang isang bangkay ay ibang imahe ang lumalabas kapag kinunan ng larawan?

Naalala niya ang rosaryong nakuha sa kamay ng bangkay. Dinukot niya ito sa bulsa at muling tiningnan.

Bigla siyang nagulat nang may iba’t-ibang imahe ang sunod-sunod na lumitaw sa kanyang isipan. May nakita siyang isang tuta na nagbabalanse sa isang plastic beach ball. Mayroon ding isang lumang diyaryo na may balita tungkol sa isang aksidente sa kotse. Nakita rin niya ang isang hooded rat na nagbubunganga tungkol sa pananampalataya. At panghuli, may nakita siyang isang balon na may malinis na tubig sa isang nakapangingilabot na kagubatan.

Ipinilig-pilig ni Helen ang kanyang ulo na pakiramdam niya ay biglang lumaki at lumobo. Hindi siya matatakutin pero ayaw man niyang aminin, nakaramdam siya ng kaba dahil sa mga imaheng lumitaw sa kanyang isipan.

Isinilid niya sa isang plastik ang rosaryo at inilagay sa loob ng drawer ng kanyang mesa sa opisina. Buong maghapon ay okupado ang kanyang isipan ng mga kakatwang pangyayaring nasaksihan niya.

Bandang alas-kuwatro ng hapon nang dumating sa kanyang opisina si Rona.

“Magandang hapon po…” bati ni Rona nang buksan nito ang pinto pagkatapos kumatok ng tatlong beses at sumilip sa loob ng opisina ni Helen.

“Pumasok ka,” sabi niya rito. “Rona Andres, right?”

Tumango ang babae at pumasok na sa loob ng opisina ni Helen.

“Maupo ka,” sabi niya sa bisita.

Umupo sa isa sa dalawang upuan sa harapan ng mesa niya ang babae.

“Nakikiramay ako sa nangyari sa kapatid mo,” malungkot niyang sabi.

“Salamat po,” matipid nitong sagot.

“Nakita mo na ba ang mga larawang kuha ni Kapitan sa bangkay ng kapatid mo?” diretsa niyang tanong.

“Opo,” sagot ni Rona kasabay ang pagtango.

“May ideya ka ba kung bakit o paano nangyari iyon?”

Umiling si Rona, sunod-sunod. “Wala po. Nagtataka nga rin ako kung bakit ganoon ang mga lumabas na larawan.  Nakakatakot.” Rumehistro sa mukha ng babae ang hindi maitagong pag-aalala.

Kinuha ni Helen sa drawer ang rosaryo at inilabas iyon sa plastik.

“Sa kapatid mo ba ang rosaryong ito?”

“Opo… Noong isang linggo lang niya napulot ’yan.”

“Napulot? Saan?”

“Sa kabilang bayan. Sa Burgos. Noong nagpunta siya sa burol ng tatay ng katrabaho niya.”

“Anong ikinamatay ng tatay ng katrabaho niya?”

“Hindi na nagising, eh. Pero wala namang sakit daw iyon. Nagtataka nga sila kung bakit biglaan naman ang pagkamatay. Sabi ng matatanda, binangungot daw dahil namatay habang natutulog,” paliwanag pa ni Rona.

“Paano mong nalaman na napulot niya ang rosaryong ito?”

“Kasama kasi ako ni ate noong magpunta sa Burgos. Sa labas ng bahay napulot ng kapatid ko ang rosaryong ’yan. Ibinibigay nga niya sa akin, pero hindi ko tinanggap dahil Born Again Christian na ako.”

“May naikuwento ba sa’yo ang ate mo pagkatapos niyang mapulot ang rosaryong ito?”

“Kuwentong gaya ng ano?” tanong ni Rona.

“Katulad halimbawa ng mga kakatwang pakiramdam na nagsimula lang niyang maramdaman mula nang mapasakanya ang rosaryo. Mga hindi maipaliwanang na pangyayari, mga ganoon.”

Umiling s Rona. “Wala, wala naman siyang nababanggit sa akin na kung ano man.”

“Natatandaan mo pa ba kung anong pangalan no’ng katrabaho ng ate mo? At kung saan ito nakatira?

“Cristy Baltazar, taga-Barangay Balimbing, sa bayan ng Burgos.”

KINABUKASAN ay nagtungo si Helen sa burol ni Marissa. Nadatnan niya roon ang kapatid nitong si Rona na abala sa pag-iistima sa mga nakikipaglamay. Nilapitan niya ito at kinausap.

“Baka bukas pa lumabas ang resulta ng autopsy sa kapatid mo,” pagbabalita niya kay Rona.

“Iyon nga rin ang sabi sa akin. Pero kahit ano pa man ang maging resulta, hindi na rin naman maibabalik ang buhay ng kapatid ko,” malungkot nitong sabi. “May naririnig akong kuwentuhan na namatay raw ang kapatid ko dahil sa sumpa sa rosaryong napulot niya. Ayokong maniwala pero kapag naaalala ko ’yong itsura ng bangkay niya sa litrato, parang iyon nga ang matinong sagot kung ba’t namatay nang biglaan ang kapatid ko.”

BASE sa resulta ng autopsy, walang foul play sa pagkamatay ni Marissa kaya tinanggap na rin ni Rona ang sinapit ng kapatid. Pero hindi pa rin mawala sa isip ni Helen ang mga nakita niyang larawan ni Marissa kaya ganoon na lang ang pagnanais niyang tuklasin kung bakit ganoon ang itsurang lumabas sa mga litrato ng bangkay nito.

Apat na araw lang ibinurol si Marissa. Bawat gabi ng burol ay pumupunta si Helen para makiramay. Sa huling gabi ng burol ay pinakiusapan niya si Rona na kunan muli ng litrato ang bangkay. At gaya ng inaasahan, nakitang muli ni Helen ang tila kaliskis na balat ng ahas sa mukha ng bangkay.

Ayaw pa ring paniwalaan ni Helen ang sinasabing sumpa sa rosaryong nakuha niya kay Marissa. Ilang araw na rin iyong nasa kanya pero heto nga at buhay na buhay pa siya. Wala naman siyang nararamdamang kakaiba sa sarili niya maliban sa mga imaheng nakita niya sa kanyang isip noong unang beses niyang mahawakan ang rosaryo.  Maliban doon, wala na.

Pero ganoon pa man, may kakaiba pa rin sa pagkamatay ni Marissa na gusto niyang tuklasin kaya pagkalibing dito ay buo na sa isip ni Helen na pupuntahan niya sa Burgos si Cristy Baltazar.

Chapter 2

INABOT din ng isang oras bago narating ni Helen ang bayan ng Burgos. Sa pagtatanong-tanong sa mga tagaroon ay napuntahan niya ang Barangay Balimbing kung saan nakatira si Cristy Baltazar na nabanggit sa kanya ni Rona kahapon.

Ipinarada ni Helen ang sinasakyang owner type jeepney sa gilid ng kalsada. Pagkatapos ay bumaba siya ng kanyang sasakyan at naglakad patungo sa diumano’y bahay ni Cristy. Palinga-linga pa sa paligid si Helen habang naglalakad, nagmamasid sa anumang puwedeng mapansin sa paligid.

Pagtapat niya sa bahay ni Cristy ay magalang siyang tumawag, “Tao po! Tao po!” Ang lakas ng boses niya ay sapat para marinig ng kung sino mang tao ang nasa loob ng bahay.

Isang babaeng siguro’y mahigit beinte ang edad ang lumabas at lumapit kay Helen. Nasa mukha nito ang pagtataka nang makita si Helen na nakauniporme ng pulis. “Sino pong hinahanap n’yo?”

“Ikaw ba si Cristy Baltazar?”

Marahang tumango ang babae. “Opo, bakit po?”

“Ako si Police Investigator Helen Domingo, sa bayan ng Sta. Cruz. Maaari ba kitang makausap tungkol dito?” Inilabas niya ang rosaryo at ipinakita kay Cristy.

Halatang nagulat ang babae nang makita ang rosaryong dala ni Helen. “Bakit nasa ’yo ’yan?”

“Sa ’yo ba ito?” nagtatakang tanong niya.

Sunod-sunod na pag-iling ang naging tugon ng babae, naging mailap ang mga mata nito. “Hindi po sa akin ’yan. Pumasok ka po, dito tayo mag-usap sa loob.”

Lumingon pa sa likuran niya si Helen bago sumunod kay Cristy na nauna nang naglakad papasok sa loob ng bahay.

“Maupo ka,” alok ni Cristy nang makapasok na sila.

Umupo si Helen sa mahabang sofa. Si Cristy naman ay umupo sa sofa na pang-isahang tao lang na nasa bandang gilid ng sofa kung saan nakaupo ang kanyang bisita. Sa harapan nila ay may isang center table na may nakapatong na isang cellphone.

“Kilala mo ang may-ari ng rosaryong ito?” tanong ni Helen.

Tumango si Cristy. “Sa tatay ko ’yan. Pero itinapon na niya ’yan isang araw bago siya mamatay.”

“Anong pangalan ng tatay mo?”

“Sgt. Romulo Baltazar,” sagot ni Cristy. “Paanong napunta sa ’yo ’yan?” Halata ang pagkabalisa sa mukha niya.

“Nakuha ko ito sa isang bangkay na iniimbestigahan ko ang pagkamatay. Katrabaho mo yata ang namatay.”

“Sinong katrabaho?” Kinabahan si Cristy. Ang alam niyang katrabaho na tagaroon sa bayan ng Sta. Cruz ay si Marissa Andres.

“Si Marissa Andres,” pagkumpirma ni Helen sa hinala ni Cristy.

“Patay na si Marissa? Ano’ng nangyari sa kanya?” hindi makapaniwalang tanong ni Cristy. Noong isang araw lang ay magkasabay pa silang lumabas ng opisina.

“Natagpuan na lang sa bahay niya ang bangkay pero wala naman akong makitang kakaiba sa katawan niya. Wala akong makitang anumang tanda ng foul play sa pagkamatay niya. Pero—”

“Pero iba ang itsura niya sa litrato,” bulalas ni Cristy.

Tinitigan ni Helen ang kausap. “Alam mo?” tanong niya rito. “Ano’ng ikinamatay ng tatay mo?”

“Namatay siya habang natutulog. Kaya akala ko, normal lang ang lahat. Hanggang sa maisipan ko siyang kunan ng litrato bago ilagay sa kabaong.” Dinampot ni Cristy ang cellphone na nasa mesita. May hinanap siya sa telepono at saka ipinakita ka Helen. “Eto, tingnan mo ang larawang nakunan ko…”

Hindi na nagulat si Helen dahil inaasahan na niya ang makikita sa litrato. Nagtatanong ang mga matang napatingin na lang siya kay Cristy.

“Hindi ko rin alam kung paanong nangyari ’yan.” Tila nahulaan ng babae ang gustong itanong ni Helen.

“Bakit itinapon ng tatay mo ang rosaryong ito? Saan niya ba ito nabili?”

Saglit na nag-isip si Cristy bago ito nagkuwento, “Dating sundalo ang tatay ko at nadestino siya sa Isla Maranlig. Minsan sa isang buwan lang kung siya’y umuwi rito. Pero nitong huling uwi niya, hindi na siya babalik doon dahil retired na siya. Dala na niya pag-uwi rito ang rosaryong ’yan, ibinigay raw sa kanya ng isang matandang babae tanda ng pasasalamat sa isang pabor na nagawa ni Tatay. Pero wala pang isang linggo mula nang umuwi siya rito ay may napansin akong kakaiba kay Tatay. Parang lagi siyang balisa, minsan naman ay tulala at parang malalim ang iniisip.”

“Hindi ba siya nagkuwento sa ’yo kung ano ang problema niya o kung ano ang bumabagabag sa kanya?”

“Noong nakita ko siyang itinapon ang rosaryong ’yan, nagtanong ako kung bakit? Sabi niya, may sumpa raw ang rosaryo at kung totoo raw ang sumpa, mamamatay siya sa loob ng labintatlong araw.”

Napanganga si Helen.

“Iyon raw ang sabi sa kanya ng mga kasamahan niya sa kampo na mga lehitimong residente ng Isla Maranlig. Matagal na raw umiikot sa lugar na iyon ang rosaryong iyan, at lahat ng nagmamay-ari o humahawak diyan ay namamatay sa loob ng labintatlong araw. Kaya ayaw na ayaw ni Tatay na hawakan ko ’yan.” Gumaralgal ang boses ni Cristy. “Hindi kasi naniniwala si Tatay sa mga sumpa, lalo na at relihiyosong bagay naman ang rosaryo. Kaya kinuha pa rin niya at iniuwi pa rito ang rosaryong ’yan.”

“Mamamatay sa loob ng labintatlong araw ang sinumang magmamay-ari o hahawak man lang sa rosaryo. Kung ganoon, may pitong araw na lang ako para mabuhay?” tanong ni Helen. “Hindi! Hindi totoo ang mga sumpa. Hindi rin ako naniniwala,” deklara pa niya.

“Hindi rin naniniwala si Tatay sa sumpa. Pero tingnan mo, wala na siya…”

“Alam mo ba ang pangalan ng matandang babaeng nagbigay sa tatay mo ng rosaryong ito?”

“Hindi. Pero sabi ni Tatay, namatay na ang babaeng iyon noong araw mismo na ibinigay niya kay Tatay ang rosaryo. Natuklaw siya ng ahas habang naglalakad papauwi sa kanyang bahay na nasa medyo magubat na bahagi ng isla. Patay na nang makita siya ng iba pang mga residente roon.”

“Pero kung alam ng mga tagaroon na may sumpa ang rosaryo, bakit iyan pa ang ibinigay noong matandang babae sa tatay mo?”

“Posibleng hindi alam noong matanda ang tungkol sa sumpa. Puwede ring katulad ni Tatay ay hindi rin naniniwala sa sumpa iyong matandang babae.”

“May naikuwento pa ba sa ’yo ang tatay mo tungkol sa mga nararamdaman niya mula nang mapasakanya ang rosaryo?” Gustong makumpirma ni Helen kung tama ang hinala niyang may kaugnayan sa rosaryo ang mga imaheng nakita niya sa kanyang isipan.

“Ang natatandaan ko lang na sinabi ni Tatay, madalas daw na may nakikita siyang mga imahe na biglang lumilitaw sa kanyang isip.”

“Katulad ng?”

“Hindi na niya dinetalye, pero may sinabi siyang diyaryo na may balita tungkol sa aksidente sa kotse. Hindi ko na alam ’yong iba pa.”

Napatango-tango si Helen. “Maraming salamat sa mga impormasyong ibinigay mo, Cristy.”

“Kung may maitutulong pa ako, tawagan mo lang ako.”

“Paki-save mo rito ang number mo…” Iniabot niya kay Cristy ang kanyang cell phone. Inilagay roon ng babae ang kanyang phone number at ibinalik kay Helen ang telepono.

“Aalis na ako.”

“Sana nga hindi totoo ang sumpa. At kung totoo man, sana ay magawan mo ng paraan para hindi magkatotoo sa’yo ang sumpa na iyon,” nag-aalalang sabi ni Cristy.

“May alam ka kung paano mawawala ang sumpa?”

Umiling ang babae. “Wala, eh. Sana nga alam ko, para nailigtas ko ang tatay ko.”

Napabuntonghininga si Helen. Buo talaga ang paniniwala ni Cristy na sumpa ng rosaryong hawak niya ang pumatay sa ama nito.

Pero kung totoo, eh ’di sumpa rin ng rosaryong dala niya ang pumatay kay Marissa Andres?

At maaaring siya na ang susunod na mamamatay!

Chapter 3

HAPON na nang makauwi si Helen. Nang tingnan niya ang oras sa kanyang relong pambisig, alas-singko y medya na. Kapapasok lang niya sa kanyang silid nang tumunog ang kanyang telepono.

Tiningnan niya sa screen ng telepono kung sino ang tumatawag.

Si Nathan pala,  ang boyfriend niya.

Sinagot niya ang tawag ng nobyo.

“Saan ka nanggaling? Dumaan ako sa opisina mo kanina,  wala ka. May pinuntahan ka raw.” Malinaw niyang narinig ang boses ni Nathan.

“Nagpunta ako ng Burgos. Inaasikaso ko lang ’yong kaso ni Marissa Andres.”

“Eh, ba’t nakarating ka ng Burgos? Parang ang layo naman yata. Balita ko naman, wala raw foul play.”

“Wala pa namang resulta ang autopsy. Kapag lumabas na ang resulta,  malalaman natin kung ano ba talaga ang ikinamatay ni Marissa.”

“Okay, sige. Dadaan ako diyan mamaya, ha? Nandito lang ako sa bahay, tinuturuan ko lang ng lessons niya sa Math itong pamangkin ko.”

“Ikaw ang bahala. Matutulog lang muna ako. Napagod ako sa biyahe,” sagot niya.

“I love you. Bye!”

“I love you, too.” Inilagay niya sa ilalim ng unan ang kanyang telepono pagkatapos nilang mag-usap ni Nathan at saka siya humiga sa kama.

Hindi na niya namalayan kung gaano katagal siyang nakatulog. Madilim na sa kanyang silid nang magising siya.

Bumangon si Helen at binuksan ang ilaw sa kanyang kuwarto ngunit muntik na siyang mapatili nang makita sa liwanag ang kanyang braso. May tumutubo ng kaliskis na parang balat ng ahas sa bahaging iyon ng kanyang katawan!

Nahintakutan si Helen. Totoo! Totoo nga yata na may sumpa ang rosaryo.

Kiniskis niya ang braso niyang may kaliskis. Gusto niyang matanggal ang kaliskis na iyon sa pamamagitan ng kanyang pagkiskis dito.

Biglang pakiramdam niya ay umunit ang isang bahagi ng kanyang likuran. Namilipit siya sa mainit na sensasyong nadama.

Diyos ko! Pati ba ang likuran niya ay tinutubuan na rin ng kaliskis?

Itinaas niya ang suot na t-shirt at tumalikod siya sa salaming nasa kanyang silid para masilip ang likurang bahagi ng kanyang katawan. At anong laking gulat niya nang makumpirma ang kanyang hinala. May maliiit na bahagi ng kanyang likod ang mayroon na ring balat ng ahas.

Magiging taong ahas ba siya?

O mamamatay siya ng katulad ng kamatayang nangyari kay Marissa?

Napasigaw sa gulat si Helen nang biglang makarinig ng mga katok sa pinto.

“Helen? Anong nangyayari diyan?” Narinig niyang sabi ng boses sa labas ng pintuan. Si Nathan iyon, nakilala niya ang boses ng lalaki.

Mabilis siyang lumabas ng silid upang pagbuksan ang kumakatok na nobyo.

“Anong nangyari sa’yo? Bakit ka sumigaw?” tanong ni Nathan nang pagbuksan na niya ito ng pinto. May hawak itong plastic bag na may lamang kung ano.

“W-wala, nagulat lang ako sa katok mo,” sabi niya. “Pumasok ka. Kagigising ko lang kasi.”

Pumasok si Nathan. Sanay na siya sa loob ng bahay ni Helen. Namana pa ito ng nobya niya sa namapaya nitong mga magulang. At dahil nag-iisang anak lang, lahat ng mga ari-arian ng mga magulang nito ay napunta lahat sa dalaga.

“Kumain ka na ba? Magluluto ako.”

“Huwag na, may dala akong pagkain rito. Binili ko lang diyan sa labas, baka kasi hindi ka pa kumakain. Eto, o…” Iniabot ni Nathan kay Helen ang dala niya.

“Ba’t ka nga pala napapunta rito?” tanong ni Helen. “Saglit lang, ha? Ilalagay ko lang ito sa plato.” Tumalikod na siya para magpunta sa kusina. Sumunod naman sa kanya si Nathan.

“Wala naman. Nami-miss na kasi kita. Tapos, hindi pa kita natiyempuhan sa presinto kaninang hapon. Kaya sabi ko,  dito na lang kita dadalawin sa bahay mo. Masyado ka kasing busy sa trabaho mo.”

Inilagay ni Helen sa plato ang dalang pagkain ni Nathan. “Naku,  pasensya ka na. Alam mo naman ang trabaho ko, kung kinakailangang umakyat ng bundok para makakuha ng impormasyon, gagawin ko.”

“Sino ba ang pinuntahan mo sa Burgos? Tagaroon ba ang suspek mo? Bakit,  naniniwala ka ba na pinatay si Marissa?”

“Hindi,” sagot ni Helen. “Ang totoo nga,  wala naman akong makitang palatandaan na may foul play sa pagkamatay niya.” Tiningnan niya ang nobyo sa mata.

“O, eh bakit ka nga nagpunta roon?” Bakas sa mukha ni Nathan ang matinding kuryusidad. Kilala niya ang nobya. Hindi ito pupunta sa isang lugar para mag-imbestiga kung alam nitong wala namang makukuhang importanteng ebidensya sa kasong hawak nito.

“Naniniwala ka ba sa sumpa?” biglang tanong ni Helen na muntik nang ikabunghalit ng tawa ni Nathan.

“Sumpa? Sa taong 2018? Meron pa ba no’n?” natatawang sabi ng lalaki.

Inilahad ni Helen ang braso niya. Ipinakita niya sa nobyo ang parteng tinutubuan na ng balat ng ahas.

“Ano ’yan?” tanong ni Nathan.

“Ayan ang sumpa,” sagot niya. “Dati hindi rin ako naniniwala. Ayokong maniwala. Pero, ayan na siya. Nag-uumpisa nang kumapit sa akin ang sumpa.”

“Ano bang pinagsasabi mo? Asan ang sumpa?”

“Eto, o sa braso ko. Hindi mo ba nakikita?”

“Asan nga?” Hinawakan pa ni Nathan ang braso ng nobya at tinitigang mabuti. Hindi niya alam kung ano ba ang hinahanap niya sa braso nito.

“Hindi mo nakikita? Wala kang nakikitang balat ng ahas sa braso ko?”

“Wala.” Nagtatakang tinitigan ni Nathan ang nobya. “Ano bang nangyayari sa’yo? Ano ba ang sinasabi mo?”

“Hindi mo nakikita,” bulong ni Helen. Nalilito siyang napatingala sa kisame. Tapos ay bigla siyang may naalala. “Teka, may kukunin lang ako sa kuwarto.”

Mabilis siyang pumasok sa kuwarto niya at kinuha ang kanyang telepono sa ilalim ng unan. Agad din siyang bumalik sa nobyo niyang naghihintay sa kanya sa kusina.

“Eto, kunan mo ng litrato ang braso ko,” utos niya sa nobyo. Umaasa siyang ang hindi nakikita ng mata nito ay malinaw na makikita sa larawan.

Nag-aalangang kinuha ni Nathan ang telepono at humanda para kunan ng litrato ang braso ng nobya.

“Bilisan mo…”

Ginawa ni Nathan ang dapat niyang gawin.

“Tingnan mo ang litrato.” Siguradong-sigurado si Helen na nakunan ng larawan ang kaliskis sa kanyang braso, na nakikita niya pero hindi nakikita ng iba.

Kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata ng nobyo. Hindi ito makapaniwala sa kung ano mang nakita nito sa litrato.

“Tingnan mo!” Iniabot sa kanya ni Nathan ang telepono.

Inaasahan na ni Helen ang makikita niya. “Iyan ang sinasabi ko sa’yo. ’Yan ang pinapakita ko sa’yo sa braso ko na hindi mo nakikita.”

“Ano ’yan? Bakit nakikita mo pero ’di ko nakikita, pero na-capture ng camera?” Hindi maipaliwanag ang pagtataka sa mukha ni Nathan.

“Sumpa. Umeepekto na sa akin ang sumpa!”

“Ano ba ang sinasabi mo? Hindi kita maintindihan.”

Muli niyang ibinigay sa nobyo ang cellphone. “Eto, tingnan mo ang mga litrato ng bangkay ni Marissa.”

Hindi makapagsalita si Nathan nang makita ang mga larawan. “Taong ahas ba ’to? Bakit siya nagkaganito?”

“Hindi ganyan ang itsura niya kung titingnan mo lang ang bangkay niya. Pero sa litrato,  ganyan ang lumalabas. At naniniwala na ako na dahil nga ’yan sa sumpa.”

“Sino ang nagsumpa? Sino ang isinumpa?”

Dinukot ni Helen ang rosaryo sa bulsa ng suot niyang pantalon. “Eto,  may sumpa ang rosaryong ito. Ang sinumang humawak o magmay-ari ng rosaryong ito ay mamamatay sa loob ng labintatlong araw.”

“Seryoso ka?”

“Gagawin ko bang biro ang ganitong bagay?”

“Sinong nagsabi sa’yo na may sumpa ang rosaryong ’yan? Sumpa? Hindi tayo naniniwala sa sumpa, ’di ba?”

“Hindi rin ako naniniwala. Dati! Pero paano ko ipaliliwanag ang pagkamatay ni Marissa Andres na wala rin akong makitang anumang kakaiba sa itsura niya pero nang kunan ng litrato ang bangkay ay ganyan na ang nakita naming itsura ng katawan niya?”

“Patingin nga ng rosaryo.” Aagawin sana ni Nathan ang rosaryong hawak ni Helen pero mabilis na naiilag ng dalaga ang kamay niya.

“Huwag! Hindi puwede. Madadamay ka sa sumpa.”

“Eh, anong gusto mong gawin ko? Tumunganga at hintaying magkatotoo sa’yo ang sumpang sinasabi mo?”

“Ayokong madamay ka! Kung mangyayari sa akin ang sumpa,  sa akin na ito magtatapos. Wala nang iba pang mamamatay dahil sa sumpa ng rosaryong ito.”

Chapter 4

“AKALA mo ba papayag ako?” Hindi inaasahan ni Helen ang ginawa ni Nathan. Tumayo ito at hinawakan ang kamay niyang may hawak na rosaryo at pilit na inagaw iyon sa kanya.

“Huwag!” Wala nang nagawa ang sigaw niya dahil nahawakan na ng nobyo ang rosaryo at tuluyang naagaw sa kanya.

“Ngayon, dalawa na tayong maghihintay ng kamatayan sa loob ng labintatlong araw.” May sasabihin pa sana ang binata pero bigla itong natigilan at parang nagulat.

“Bakit? Anong nangyayari sa’yo, Nathan?” Nag-aalala si Helen para sa kapakanan ng nobyo.

Ipinilig-pilig ni Nathan ang kanyang ulo. “Parang may mga eksenang naglabasan sa utak ko. Parang mga larawang isa-isang nag-flash sa isip ko,” sabi niya. “May tutang nagbabalanse sa beach ball. May dagang may suot na hood na parang may sinasabing hindi ko maintindihan. May balon na may malinis na tubig. At may lumang diyaryo na may balita tungkol sa isang car accident.”

“Ganyan din ang nangyari sa akin nang mahawakan ko ang rosaryo. Nakita ko rin ang mga kakatwang imahe na hindi ko alam kung ano ang kaugnayan sa rosaryo o sa sumpa nito.”

“Kailangan nating kumilos,” pagpapasya ni Nathan. “Hindi puwedeng maghintay na lang tayo ng kamatayan. Gumawa tayo ng paraan para mapigilang magkatotoo sa atin ang sumpa.”

“Paano?”

“Ewan ko, hindi ko alam. Pero siguradong may paraan para kontrahin ang sumpa.” Alam ni Helen na pinalalakas lang ni Nathan ang loob niya. Matapang siyang babae. Hindi siya magiging pulis kung mahina siyang klase, pero may laban nga ba talaga sila sa isang sumpang hindi nila alam kung saan nagsimula at paano pupuwedeng magtapos? At kung iisiping mayroon lang silang nalalabing iilang araw para pigilan ang epekto ng sumpa, paano nila ’yun gagawin?

“Helen…”

“Bakit?”

“Kung dalhin kaya natin sa simbahan ang rosaryong ito. Exorcism. Nabasa ko dati, puwedeng i-exorcise ang mga bagay na nilukuban ng demonyo. Matutulungan siguro tayo ng pari.”

“Sige, pumunta tayo sa simbahan bukas. Wala namang mawawala kung susubukan natin,” pagsang-ayon ni Helen.

“Ako na ang magtatago ng rosaryong ito. Mas mapapanatag ang loob ko kung alam kong wala ito sa’yo. Baka kung ano pa ang mangyari habang naririto sa bahay mo ang rosaryong ito. Magkita tayo bukas sa simbahan. Tamang-tama, linggo bukas. Pagkatapos ng huling misa sa umaga, kausapin natin si Father.”

PUMARADA ang traysikel sa tapat ng bahay at bumaba si Nathan. Dumukot siya ng barya sa kanyang bulsa at ibinayad sa drayber.

Nakadama siya ng pagod nang makapasok sa loob ng bahay. Para bang nawalan siya ng lakas sa hindi niya maipaliwanag na dahilan.

Sinalubong siya ng siyam na taong gulang niyang lalaking pamangkin na si Kyte. Anak ito ng nag-iisa niyang kapatid na namatay sa aksidente sa kotse kasama ang asawa nito tatlong taon na ang nakararaan, kaya naiwan sa pangangalaga niya ang anak nito. Siya na ang tumayong magulang sa kanyang pamangkin na ngayon ay Grade Three na sa isang pampublikong eskuwelahan sa kanilang lugar.

“O,  bakit gising ka pa?” tanong niya sa pamangkin.

“Hinihintay ko po kasi kayo. Para maisara ko nang maayos ang pinto,” magalang na sagot niya sa tiyuhin. Sa murang edad ay maaasahan na si Kyte. Alam niya ang mga responsibilidad niya sa bahay katulad ng paninigurong naka-lock ang pinto bago matulog sa gabi. Silang dalawa lang ang nakatira sa bahay na iyon. Kapag umaga ay sabay silang umaalis ng bahay. Siya, para pumasok sa trabaho at si Kyte,  para pumasok sa eskuwela. Pagkagaling sa paaralan ay sumasakay na lang ng tricycle ang bata at nagpapahatid sa kanilang bahay.  Ito na ang nagluluto ng kanin para sa hapunan. Bumibili naman ng lutong ulam si Nathan kung ginabi na siya ng uwi. Pero kung maaga pa naman ay nagluluto na lang siya pagkauwi ng bahay.

“Kumain ka na ba?” tanong ni Nathan.

“Opo…”

“Matulog ka na. Gabi na…” sabi niya sa pamangkin at saka dumiretso na sa kanyang silid. “Patayin mo ang ilaw diyan sa salas bago ka pumasok sa kuwarto mo.” Hindi niya napansin na nahulog sa sahig mula sa kanyang bulsa ang rosaryong kinuha niya kay Helen kanina.

Siniguro ni Kyte na naka-lock ang pinto bago niya pinatay ang ilaw sa salas. Hindi naman dumilim ang paligid dahil sa liwanag ng ilaw na nagmumula sa kuwarto niya at ang kanyang Tito Nathan.

Naglakad papunta sa kanyang silid si Kyte. Natapakan niya ang rosaryong nahulog nula sa bulsa ni Nathan. Pinulot niya iyon at saglit na sinipat kung ano ang bagay na kanyang natapakan.

“Rosaryo?” Nagtataka man kung bakit may rosaryo sa sahig ay pumasok na rin ang bata sa kanyang silid.

Kapapasok lang niya sa kuwarto nang bigla siyang matigilan sa pagpasok ng iba’t-ibang imahe sa kanyang isipan. May nakikita siyang tuta na tila naglalaro habang bumabalanse sa isang beach ball. Nakita rin niya ang isang dagang nagsasalita na hindi niya maunawaan kung ano ang sinasabi. Mayroon din siyang nakitang isang balon na nasa gubat. Pero ang lubha niyang ikinagulat ay ang lumang diyaryo na kay balita tungkol sa isang aksidente sa kotse. Bigla ay nanumbalik sa kanyang murang isipan ang kaparehong aksidente na kumitil sa buhay ng kanyang mga magulang.

Nagsimulang humikbi si Kyte. Ang paghikbi ay hindi niya napigilan at naging mahinang pag-iyak.  Kahit nga nang nakahiga na siya ay hindi pa rin nawala ang kalungkutang kanyang madama sa biglang pagkaalala sa kanyang yumaong ama at ina.

NASA kailaliman na ng gabi at mahimbing nang natutulog si Kyte nang bigla itong mapaungol.  Sa umpisa ay mahina lang ang pag-ungol ng bata at sa mukha nito ay nakarehistro ang hindi maipaliwanag na takot bagama’t nakapikit pa rin ang mga mata nito. Ang mahinang ungol ay unti-unting lumakas hanggang maging isang matinding panaghoy.

“Huwaag! Huwaaag po!!! Huwaaaaggg!”

Biglang dumilat ang mga mata ni Kyte habang habol nito ang paghinga at tila pagod na pagod.

Noon bumukas ang pinto at pumasok si Nathan kasunod ang pagsindi ng ilaw sa silid ng bata.

“Anong nangyari sa’yo? Bakit ka sumisigaw?” nag-aalalang tanong niya sa pamangkin.

Hindi sumagot si Kyte.  Nanatili lang itong nakahiga habang impit na umiiyak at nanginginig.

Nilapitan ni Nathan ang pamangkin at umupo sa gilid ng kama. “Nanaginip ka?”

Hindi sumagot ang bata pero iba ang tumawag sa atensyon ni Nathan. Nakita niya ang rosaryo na nasa higaan ni Kyte malapit sa unan nito.

Nagtatakang dinampot niya ang rosaryo. “Bakit nandito ito?” tanong niya sa pamangkin.

Humihikbing sumagot si Kyte. “Nakita ko lang po ’yan sa sahig kagabi bago ako pumasok dito sa kuwarto.”

“Hindi mo dapat hinawakan ito. Hindi dapat!” Napuno ng pag-aalala para sa pamangkin ang dibdib ni Nathan. Ibig bang sabihin nito ay nakapila na rin si Kyte sa mga posibleng mamatay anumang oras mula ngayon sa loob ng labintatlong araw?

“Bakit po?” inosenteng tanong ng paslit.

Hindi niya pinansin ang tanong ni Kyte. “Anong napanaginipan mo?”

“Ahas… Sasakmalin daw po ako ng malaking ahas,” takot na sagot ni Kyte.

“Sasama ka sa akin mamaya,” pasya niya.

“Saan po?”

Hindi sumagot si Nathan. “Matulog ka na ulit. Magdasal ka bago matulog.”

Chapter 5

NAKITA ni Nathan si Helen na naghihintay sa chapel na nasa tabi ng simbahan nang dumating sila roon ni Kyte. Walang kaalam-alam si Kyte sa tootong pakay nila sa simbahan. Akala niya ay magsisimba lang sila dahil araw naman ng Linggo.

“Tapos na ang huling misa. Wala nang tao sa simbahan,” sabi ni Helen. “Bakit kasama mo si Kyte?”

“Nahawakan niya ang rosaryo,” halos pabulong na sabi ni Nathan sa kasintahan. “Hindi ko namalayan na nahulog mula sa bulsa ng pantalon ko at napulot niya.”

Napaawang ang bibig ni Helen. “Kasama na rin siya sa pila ng mga mamamatay sa loob ng labintatlong araw.”

“Na hindi natin hahayaang mangyari,” deklara ni Nathan.

“Tito Nathan, saan po ba tayo pupunta?” biglang tanong ni Kyte.

“Halikayo, sumunod kayo sa akin,” aya ni Helen sa dalawa.

Pumunta sila sa isang nakasarang pinto sa gilid ng chapel. Kumatok si Helen. Isang may edad na babae ang nagbukas ng pinto.

“Ano po ang kailangan ninyo?” magalang na tanong na matandang babae.

“Maaari po ba naming makausap si Father Jude? Importante lang po,” sabi ni Helen.

“Tungkol saan po ba?”

“Magpapatulong po sana kami para i-exorcise ang isang bagay na isinumpa para hindi na umepekto pa ang sumpa.”

Saglit silang tiningnan ng matandang babae bago ito muling nagsalita, “Sumunod po kayo sa akin,” sabi nito sa seryosong tono.

Nagkatinginan sina Helen at Nathan bago sila naglakad sa gawi na pinuntahan ng matandang babae.

Dumiretso ang matandang babae sa isang silid na tila opisina ang ayos. Naroon ang isang lalaking siguro’y lagpas trenta lang ang edad na nakayuko at may binabasang kung ano. “Father Jude, may naghahanap po sa inyo.”

Nag-angat ng mukha ang pari. Ngumiti ito nang makita ang mga bisita. “Tuloy po kayo at maupo. Ano po ang atin?” tanong ng pari bago bumaling sa matandang babae. “Manang Sola, iwanan n’yo na muna kami.”

Yumukod pa si Manang Sola sa pari bago lumabas ng opisina.

“Ano pong maipaglilingkod ko?”

Umupo ang dalawa bago nagsalita si Nathan. Si Kyte naman ay nakatayo at nagmamasid lang sa paligid. “Father Jude, gusto sana naming ipa-exorcise ang rosaryong ito.” Ipinakita niya sa pari ang rosaryo.

Akmang aabutin ng pari ang rosaryo pero mabilis na binawi ni Nathan ang kanyang kamay. “Huwag!”

“B-bakit?”

“May sumpa ang rosaryong ito, Father. Madadamay ka kapag hinawakan mo ang rosaryong ito,” paalala ni Nathan sa pari.

“Ibigay mo sa akin. Titingnan ko,” mahinahong sabi ng pari.

“Father… baka kasi mapahamak ka.” Hindi nawawala ang pag-aalala ni Nathan.

“Huwag kang matakot. Mas makapangyarihan ang Diyos kaysa sa demonyo,” sabi ng pari. “Ibigay mo sa akin ang rosaryo para masuri ko.”

Sinulyapan ni Nathan si Helen. Nakita niyang bahagya itong tumango. Nagdadalawang-isip man ay iniabot niya ang rosaryo sa pari.

Sinuri ng pari ang rosaryo. Mula sa krus hanggang sa mga butil ay isa-isang tiningnan nito. Matapos ang ilang saglit ay nagsalita ang pari. “Wala naman akong nakikitang kakaiba sa rosaryong ito. Paano n’yo nasabing may sumpa ito?”

“Father, tatlong tao na naging may-ari ng rosaryong ’yan ay namatay na. Iyon ang sumpa ng rosaryong ’yan. Mamamatay ang sinumang magmay-ari o kahit humawak man lang diyan,” pahayag ni Helen. Nakalimutan yata niyang kasama nila si Kyte.

“Mamamatay po ako?” takot na tanong ni Kyte. “Hinawakan ko ’yan, eh.”

Nagkatinginan sina Helen at Nathan.

“Hindi, Kyte. Hindi ka mamamatay. Walang mamamatay sa ating tatlo. Kaya nga nandito tayo ngayon ay para humingi ng tulong kay Father. Maaalis niya ang sumpa sa rosaryo,” paliwanag ni Nathan sa pamangkin. “Hindi ba, Father?” Muli niyang ibinalik ang tingin sa kaharap na alagad ng Diyos.

“Pero wala akong nakikita o nararamdamang kakaiba sa rosaryong ito?” sabi ng pari.

“Father, gawan n’yo na lang po ng exorcism ritual ang rosaryong iyan,” pakiusap ni Helen. “Wala namang mawawala kung susubukan.”

Tumango ang pari. “Sige,” pagsang-ayon nito. “Iwanan n’yo na rito ang rosaryong ito. Ako na ang bahalang magsagawa mamaya ng ritwal na mag-aalis sa anumang masamang elemento sa rosaryo, kung meron man.” Inilagay ng pari ang rosaryo sa drawer ng mesa.

“Salamat, Father. Aalis na po kami,” paalam ni Helen.

“Mag-iingat kayo. Huwag kayong matakot sa sumpa. Ang Diyos pa rin ang pinakamakapangyarihan sa lahat,” paalalani Father Jude sa tatlong bisita.

Lumabas na silang tatlo sa opisina ng pari. Pero pagtapat nila sa simbahan ay tumakbo si Nathan papasok sa loob.

“Saan ka pupunta?” tanong ni Helen.

“Kukuha lang ako ng agua bendita. Hindi ko alam pero baka kailanganin natin sa mga darating na araw. Hintayin n’yo na lang ako diyan.” Tuluy-tuloy na pumasok sa loob ng simbahan si Nathan. Mula sa dala niyang backpack ay kinuha niya ang isang botelya at isinalok sa lalagyan ng agua bendita na nasa bukana lang ng simbahan. Pagkatapos ay kaagad din niyang binalikan ang mga kasama.

Sumakay na sila sa owner type jeep ni Helen. Magkatabi sila ni Nathan sa unahan. Sa likuran naman umupo si Kyte,  “Uuwi na ba tayo?” tanong niya sa nobyo habang pinaaandar ang sasakyan.

“Hindi pa. Pupunta tayo sa bayan. Mayroong espiritista doon, ’di ba?”

“Anong gagawin natin doon?”

“May gusto lang akong itanong sa espiritista. Naguguluhan ako kung ano ang mga imaheng nakita ko noong hinawakan ko ang rosaryo. Gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga iyon,” seryosong sabi ni Nathan.

“Tito Nathan, para!!!” Biglang sigaw ni Kyte. Nagpreno si Helen at huminto ang sasakyan.

Nilingon nina Helen at Nathan ang bata. “Bakit?”

Nagulat siya sa nakitang hawak ni Kyte. “Tito, nadukot ko ito sa bulsa ko…” Ipinakita nito sa dalawa ang rosaryong hawak.

Kapwa nanlaki ang mga mata nina Helen at Nathan. Hindi sila makapaniwala. Paanong nangyaring nasa bulsa ni Kyte ang rosaryong kanina lang ay ibinigay nila sa pari?

“Bakit nasa ’yo ’yan?” tanong ni Nathan sa pamangkin.

“Iniwan natin ’yan sa simbahan,” sabi ni Helen. “Paanong napunta sa bulsa mo ’yan?”

“Hindi ko po alam. Pagdukot ko sa bulsa ko, nandoon na ito.”

“Demonyo!  Demonyo ang may kagagawan niyan! Hindi na tayo dapat magtaka. Totoo talaga ang sumpa sa rosaryong iyan,  naniniwala na ako,” wala nang pagdududang pahayag ni Nathan.

“Aaahhh!” Biglang nagsisigaw si Kyte. “Ano ito?!” Bumakas sa mukha niya ang matinding takot habang nakatingin sa kanyang sariling braso.

“Bakit? Anong nakikita mo?” tanong ni Nathan.

Ibinulalas ni Helen ang nasa isip, “May nakikita ka bang balat ng ahas sa braso mo?”

“Opo, nagkakaroon ng makapal na kaliskis ang braso ko. Parang balat ng ahas po,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Kyte.

Agad kinuha ni Helen ang cellphone niya at kinunan ng litrato ang braso ng bata. At katulad ng inaasahan niya, lumabas doon nang malinaw ang katulad ng mga nakikita niya sa kanyang braso at likod.

Hindi nagpahalata ng takot si Nathan. Ayaw niyang makita ng kanyang pamangkin na siya man ay kinakabahan na sa mga nangyayari. Kung ganitong nasa kanila na muli ang rosaryo, malamang na narito pa rin ang sumpang nakakabit dito.

“Helen, umalis na tayo rito. Pupuntahan natin ang espiritista sa  bayan. Hindi tayo puwedeng magpabaya. Maaari tayong mamatay anumang oras kung hindi natin mapipigilan ang sumpa!”

Chapter 6

NAGULAT pa sina Nathan at Helen nang madatnan nilang naghihintay sa kanila ang kilalang espiritista sa kanilang lugar. Nakangiti ito sa kanila.

“Pumasok kayo. Kanina ko pa kayo hinihintay.” Sinalubong sila ng babae na ang itsura ay tipikal para sa isang manghuhula. Nakasuot ito ng peasant blouse na may puffy sleeves. Ang palda nito ay layered at may iba’t ibang kulay. May mahabang scarf na nakatali sa baywang nito at nakabuhol sa bandang tagiliran kaya doon din lumaylay ang dulo ng tela. Malalaki ang hikaw ng espiritista at ang braso nito ay napapalamutian ang silver bangles. Bawat daliri yata nito ay may singsing din. Sa ulo nito ay may scarf din na ang dulo ay ibinuhol sa likod. Makapal ang make-up ng babae at ang labi nito ay pulang-pula. May kakaibang misteryo sa mga tingin nito.

Madilim ang silid na pinasok nila. Tanging liwanag na nagmumula sa isang maliit na lampara ang nagsisilbing ilaw sa silid na iyon. Kanina sa labas ay nabasa nila sa pinto ang pangalan ng espiritista, si Madam Lala.

“Maliban sa pakikipag-usap sa mga espiritu, nanghuhula rin ba kayo?” tanong ni Nathan nang makaupo na sila.

“Pati panggagamot sa mga kinulam at nilukuban ng masamang espiritu ay nagagawa ko rin,” sagot ng babae na puno ng kumpiyansa sa sariling kakayahan. “At para maniwala ka, ngayon pa lang ay sasabihin ko na sa iyo ang totong pakay ninyo sa pagpunta rito.” Misteryosong ngumiti ang babae.

“Ano ang sadya namin sa’yo?” halos sabay na tanong nina Nathan at Helen. Si Kyte ay nakatingin lang sa kanila at nakikinig pero ang mga mata nito ay gumagala rin sa paligid ng maliit na silid na iyon.

“Ginugulo kayo ng mga imaheng bigla na lang lumilitaw sa inyong isipan,” diretsong pahayag ni Madam Lala.

Kapwa nagulat sina Nathan at Helen. Mukhang totoo ngang marunong manghula ang babaing ito. Marunong din kaya itong magtaboy ng mga masasamang elemento at mag-alis ng sumpa?

Inilabas ni Nathan ang rosaryo. “Madam Lala, eto ang rosaryong gusto naming ipasuri sa’yo. Ano ang sumpang nakapaloob sa rosaryong ito?”

Napapikit sandali si Madam Lala pero kaagad ding nagmulat ng mga mata. Bakas ang takot sa mukha nito. “Hindi ko puwedeng hawakan ’yan. Matindi ang sumpang nakapaloob diyan. Nararamdaman ko ang lakas ng espiritung naglagay ng sumpa sa rosaryong iyan.”

“Sino ang naglagay ng sumpa sa rosaryong ito?” tanong ni Nathan.

“Hindi ko kilala. Matagal na siyang patay. Pero nandito lang siya at nagmamasid sa atin.” Malilikot ang mga mata ni Madam Lala habang nagsasalita. Tila ba sinusundan nito ng tingin ang isang ’di nakikitang nilalang. “Babae siya…”

“Babae?” magkasabay na nasabi nina Nathan at Helen.

“Maaari mo ba siyang kausapin para sa amin? “ tanong ni Helen. “Nadamay kaming tatlo sa sumpang inilagay niya sa rosaryo. Wala kaming alam sa mga galit niya sa mundo. Pero maraming inosenteng tao ang namamatay nang dahil sa sumpa. Kausapin mo siya. Tanungin mo sa kanya kung paano mawawala ang sumpa sa rosaryo at sa aming tatlo.”

Pumikit si Madam Lala at umusal ng panalangin na hindi nila maintindihan kung anong lengguwahe. Mamaya pa ay bigla itong nanginig na tila kinokombulsyon. Hindi pa rin ito tumitigil sa inuusal na orasyon.

Biglang isa-isang nahulog ang mga piguring naka-display sa loob ng silid.

“Tito Nathan!” Nagulat si Kyte at napasigaw! Napatakbo ito papalapit sa tiyuhin.

Nagmulat ng mga mata si Madam Lala. Tila pagod na pagod ito at hinahabol ang paghinga. Matalim ang matang tumitig ito kay Helen. “Ayaw niyang makipag-usap. Hindi siya pumayag na alisin ang sumpa sa rosaryo. Hindi ko siya puwedeng kalabanin. Kayang-kaya rin niya akong patayin. Pasensya na, hindi ko kayo matutulungan.”

“Pero—” Gustong magprotesta ni Nathan.

“Umalis na kayo. Ayokong madamay sa sumpa.”

“Tulungan mo kami, pakiusap. Sabihin mo lang sa amin kung ano ang ibig sabihin ng mga imaheng lumilitaw sa isip ng bawat humahawak sa rosaryong ito. Baka may kaugnayan ang mga imaheng iyon para mawala ang sumpa. Tulungan mo kami, Madam Lala.” Masidhi ang hangarin ni Nathan na mapapayag ang manghuhula.

“Marami na ang namatay dahil sa sumpa. Gusto naming maputol na ang sumpa, Madam Lala. Kung may maitutulong ka, huwag mong ipagkait ang karunungan mo,” sabi ni Helen.

“Nakikiusap kami sa’yo, tulungan mo kami. Kailangang mawala ang sumpa sa rosaryong ito bago pa kami maunahan nito. Tulungan mo kami, Madam Lala.” Buo ang loob ni Nathan na mapapayag ang manghuhula.

Tumitig si Madam Lala kina Nathan at Helen. Ang mga mata nito ay balot pa rin ng takot pero makikita rin ang tila pag-aalala para sa kanilang dalawa.

“Madam Lala…” untag ni Helen. Itinuro niya si Kyte. “Makakaya ba ng konsensya mo na pati ang batang ito ay mamatay nang dahil lang sa isang sumpa na wala naman siyang kinalaman? Siguro naman ay may mga anak ka rin. Paano kung isa sa mga anak mo ang makahawak sa rosaryong ito, hindi mo ba siya tutulungan? Hahayaan mo lang ba siyang mamatay?”

“Tulungan mo kami, Madam Lala. Ang itutulong mo sa aming tatlo ay tulong din na maibibigay mo sa iba pang mga nakahawak sa rosaryo at pati na rin sa iba pang magiging biktima nito sakaling hindi maputol ang epekto ng sumpa,” pangugumbinse ni Nathan.

Tahimik na dinampot ni Madam Lala ang tarot cards na nasa mesa. Binalasa niya iyon habang matamang nakatitig lang sina Helen, Kyte at Nathan. Ilang ulit pang binalasa ng matandang babae ang tarot cards at saka tiningnan nang matalim si Helen.

“Hatiin mo sa tatlo ang baraha,” utos ni Madam Lala.

Walang pag-aalinlangang hinati ni Helen sa tatlo ang mga baraha.

“Pumili ka ng isa.”

Kinuha ni Helen ang barahang nasa ibabaw ng pangalawang hati. Iniabot niya iyon kay Madam Lala.

Inilapag ng espiritista ang baraha ni Helen sa mesa. Nakita nila ang imaheng nakalarawan sa baraha. Isang muroidea rat.

“Daga!” sigaw ni Kyte.

“Iyan ang sagot sa mga imaheng gumugulo sa inyong isipan,” bulalas ni Madam Lala.

“Ha?” naguguluhang sabi ni Nathan. “Paanong magiging sagot ’yan sa mga tanong namin?”

“Anong ibig mong sabihin, Madam Lala?” tanong ni Helen.

“Hanapin ninyo ang dagang ’yan.”

Biglang may naalala ni Helen. “Isa sa mga imaheng nakita ko nang hawakan ko ang rosaryo ay isang hooded rat. Dagang literal na may suot na hood. Kung iyon ang dagang sinasabi ng baraha, saang sulok ng mundo kami makakakita ng dagang may suot na hood?”

“Kung hindi naman literal, ang ibig sabihin ng hooded rat ay domesticated rat. Isang dagang maamo. Isang dagang inaalagaan…” paliwanag naman ni Nathan.

“Ano mang interpretasyon ang kunin natin, pareho pa ring daga ang hahanapin natin. At hindi ko maintindihan kung paanong magkakaroon ng koneksyon ang isang daga sa pagtanggal ng sumpa sa rosaryong ito, Nathan.”

“Hanggang diyan lang ang puwede kong itulong. Makakaalis na kayo,” sabi ni Madam Lala. “Sana ay magtagumpay kayong maalis ang sumpa ng rosaryo.”

Chapter 7

NAGULAT si Father Jude nang buksan ang drawer kung saan niya inilagay ang rosaryong dala nina Nathan at Helen kanina. Wala sa drawer ang rosaryo.

“Manang Sola! Manang Sola!” tawag niya sa katiwala sa simbahan.

Nagmamadaling pumasok sa opisina ng pari ang matandang babaeng katiwala. “Ano po iyon, Father?”

Nawawala ang rosaryong dala ng mga bisita natin kanina, nakita mo ba? Dito ko lang iyon inilagay sa drawer.“ Hindi maalis ang pagtataka sa mukha ng pari.

“Baka naman po kinuha ulit nila,” sabi ni Manang Sola.

“Hindi, eh. Imposibleng kinuha nila. Ako mismo ang naglagay ng rosaryo dito sa drawer. At pagkatapos kong ilagay rito ay nagpaalam na sila at umalis.”

“Eh, nasaan na po kaya ang rosaryong ’yon?”

“Hindi ko alam. Wala naman akong nakita o napansing kakaiba sa rosaryong iyon. Pero bakit nga kaya wala na iyon dito sa drawer ng mesa ko?”

Hindi nakasagot si Manang Sola. Paano niya sasagutin ang isang tanong na wala siyang kaalam-alam?

Bigla ay tila natigilan si Father Jude. Saglit itong natulala at parang naguguluhan ang kanyang isip. Ano itong mga imaheng sunod-sunod na naglabasan sa kanyang gunita? Imahinasyon? Hindi! Bakit may dagang nagbubunganga ng pananampalataya? Bakit may tutang nakapatong sa isang beach ball at pilit bumabalanse rito? Bakit may balon ng tubig sa gubat? Bakit may kotseng sangkot sa isang aksidente? Anong ibig sabihin ng mga imaheng ito?

“Father?” Napansin ni Manang Sola ang biglang pananahimik ng pari. “Anong nangyari sa’yo, Father?”

“Huh?!” Ipinilig ni Father Jude ang kanyang ulo na para bang iwinawaksi ang laman ng kanyang isipan. “W-wala… may naalala lang ako.”

“Okay lang po ba kayo?” paniniyak ni Manang Sola.

“Ayos lang ako, Manang Sola,” sagot niya sa matandang babae. “Ako na ang bahala rito. Ako na lang ang maghahanap sa rosaryo.”

“Ah, sige po. Maiwan ko na kayo rito.” Nang tumango ang pari ay lumabas na ng opisina nito si Manang Sola.

PAGDATING sa bahay ay muling napansin ni Helen ang mga kaliskis sa kanyang braso, mas malaki na ang parteng nasasakop nito kumpara kahapon.

“Nathan…” tawag niya sa nobyo na nasa salas kasama si Kyte.

Lumapit sa kanya ang lalaki, pati na rin ang pamangkin nito. “Bakit?”

“Mas lumapad ang parte ng braso ko na mayroon ng kaliskis. Ano na ang kasunod nating gagawin ngayon?” tanong niya.

Saglit na nag-isip si Nathan, pagkatapos ay huminga nang malalim at saka ibinuga ang hangin. “Kung sinasabi ni Madam Lala na dapat nating hanapin ang daga, iniisip ko kung saan tayo pupuwedeng mag-umpisa ng paghahanap. Lumilipas ang mga araw. Kailangan nating magmadali.”

“Sa Isla Maranlig!” mabilis na sagot ni Helen. “Nabanggit ni Cristy na doon nakuha ng tatay niya ang rosaryo. At alam ng mga tao roon ang tungkol sa sumpa nito. Kung pupunta tayo roon, mas malaki ang tsansa na makahanap tayo ng mga taong puwedeng tumulong sa atin sa pagtuklas ng lihim sa sumpang nasa rosaryong ito.”

Tumango-tango si Nathan tanda ng pagsang-ayon. “Sige, maaga tayong aalis bukas para pumunta sa Isla Maranlig,” deklara ni Nathan.

“Tito Nathan, sasama po ako. Ayoko pong maiwang mag-isa rito.”

“Helen, mag-empake ka na ng mga damit na dadalhin mo. Tapos, doon ka na lang matulog sa amin. Hindi ako makakampanteng iwanan kang mag-isa rito. Kailangang bantayan ko kayong dalawa ni Kyte para masiguro kong walang mangyayaring masama sa inyo,” sabi ni Nathan.

“Sige, sandali lang. Hintayin n’yo ako rito.” Nagmamadaling nagtungo siya sa kanyang silid upang kumuha ng mga dadalhing gamit. Sa pinakailalim ng bag ay nilagay niya ang kanyang baril.

Hindi naman nagtagal at bumalik siya sa salas kung saan naghihintay sina Nathan at Kyte.

“Okay ka na?” tanong ni Nathan.

Tumango si Helen.

Kinuha ni Nathan ang dalang bag ni Helen sabay sabing, “Halika ka na.” Nagpatiuna na siyang naglakad papunta sa pintuan kasunod sina Kyte at Helen.

Sakay ng owner type jeep ni Helen ay mabilis nilang narating ang bahay ni Nathan.

“Kyte, doon ka matutulog sa kuwarto ko,” bilin ni Nathan sa pamangkin. “Ang Tita Helen mo ang gagamit ng kuwarto mo.”

“Opo…”

“Magpalit ka na ng damit. Maghahanda lang ako ng hapunan natin.”

“Tutulungan na kita,” alok ni Helen.

MALALIM na ang gabi. Tahimik na ang buong bayan. Maging sa simbahan ay mahimbing na rin ang tulog ni Father Jude. Pero pagkalipas ng ilang sandali ay biglang umungol ang pari. Ang mahihinang ungol nito ay sinundan ng tila pagpupumiglas pero may kung anong bagay na pumipigil dito para hindi tuluyang maigalaw ang mga kamay, paa at katawan. Patuloy lang na umuungol si Father Jude. Maging ang mga mata ay hindi nito maidilat.

Ang dating mahinang pag-ungol ni Father Jude ay unti-unting lumakas. Pero nandoon pa rin ang hindi niya maisagawang tuluyang pagpupumiglas. Pag-ungol lang ang tanging nagagawa ng pari sa kung ano mang masamang bangungot na dumalaw habang siya ay natutulog.

Isang malakas na ungol ang naging pagsigaw at tuluyan nang nagmulat ng mga mata ang pari. At sa kanyang paggising ay hindi niya nagawang bumangon dahil kitang-kita niya ang isang hindi pangkaraniwang nilalang na mukhang babae na nakaupo sa kanyang dibdib na siyang pumipigil para siya ay makahinga nang maayos. Nilamon ng sindak si Father Jude nang makita ang itsura ng nilalang na ngayon ay nakadagan sa kanyang dibdib. Payat ang nilalang at halos butuhan na ang katawan nito pero sadyang ito’y napakalakas. Ang mukha nito’y tila bungo na lang sa sobrang kapayatan at litaw ang malalaki nitong mga ngipin. Ang mga paa nito ay may matutulis na kuko ganoon din ang mga kamay nito. Ang buhok nito ay tila kulot-kulot na alambreng sabog-sabog.

Biglang umigkas ang kamay ng nilalang at sumakal sa leeg ni Father Jude. Halos maputulan ng hininga ang pari. Nagpupumiglas siya pero hindi sapat ang kanyang lakas para mapigilan ang nilalang na nakadagan sa kanyang katawan.

Nang sa wakas ay naigalaw niya ang kanyang ga kamay ay pinilit niyang tanggalin ang mga kamay nitong nakasakal sa kanyang leeg. Nakipagbuno siya sa nilalang sa abot ng natitira niyang lakas. Pero ang demonyo ay mas malakas kaysa sa nanghihina na niyang katawan.

Ilang minuto lang ang lumipas at hindi na gumagalaw si Father Jude. Hindi na niya nakita nang unti-unting nalusaw at naging tila espiritung humalo sa hangin ang nilalang na kanina lang ay nakadagan sa kanyang katawan. Iniwan nitong walang buhay ang alagad ng Diyos na humawak din sa isinumpang rosaryo!

ANG mahimbing na tulog ni Helen ay naputol nang bigla siyang magmulat na parang gulat na gulat. Nananaginip ba siya? Bakit napanaginipan niya ang paring kausap nila kahapon sa simbahan? Pinakiramdaman niya ang paligid. Madilim sa loob ng silid. Bakit pati yata ang buwan ay nagdamot ng liwanag sa mga oras na iyon?

Nakaramdam siya ng tawag ng kalikasan. Bumangon siya at binuksan ang ilaw pero hindi ito bumukas. Brownout?

Lumabas siya ng silid. Mas madilim sa salas. Halos wala siyang makita kundi kadiliman. Saglit niyang sinanay ang mga mata sa dilim at saka siya nagtungo sa toilet. Wala nga talagang kuryente dahil hindi rin bumukas ang ilaw sa toilet.

Ilang sandali lang ay lumabas na rin siya ng palikuran at naglakad na pabalik sa kuwarto. Pero bago siya nakapasok ay isang kamay ang humawak sa kanyang balikat!

Chapter 8

HALOS malaglag ang puso ni Helen sa kaba nang dumampi sa balikat niya ang kamay. Mabuti na lang at nagsalita ang may-ari nito na kaagad niyang nakilala.

Si Nathan.

“Bakit gising ka na?” tanong ng kanyang nobyo.

“Tinakot mo ako!” sabi niya rito.

“Pasensya na… Parang may narinig kasi akong kaluskos kaya bumangon ako at lumabas. Ikaw lang pala, akala ko kung ano na.”

“Nagbanyo lang ako. Brownout kasi kaya madilim.”

“Wala man lang abiso ang brownout na ’yan. Bigla-bigla na lang,” reklamo pa ni Nathan. “Matulog ka na ulit. Maaga pa. Pasado alas-tres pa lang. Alas-singko tayo aalis dito para maabutan natin ang unang biyahe ng bangka papuntang Isla Maranlig.”

“Sige, matulog ka na rin ulit.” Pumasok na si Helen sa kuwarto. Bumalik na rin si Nathan sa kanyang silid.

PAGSAPIT ng alas-singko ng umaga ay bumiyahe na sila papunta sa bayan ng Burgos. Mula roon ay magtutungo sila sa Aplaya, ang lugar kung saan sumasakay ng bangkang de-motor na maghahatid sa kanila patungo sa Isla Maranlig. Dahil maaga pa ay naging mabilis naman ang kanilang biyahe. Inihabilin ni Helen ang kanyang jeep sa isang bahay malapit sa Aplaya bago sila sumakay ng bangka papunta sa isla. May dalawampung katao rin ang pasahero ng bangkang maghahatid sa kanila sa Isla Maranlig.

Mahigit isang oras din silang naglayag sa dagat bago nila narating ang isla. Hindi makapaniwala si Helen sa ganda ng Isla Maranlig. Luntian pa ang kapaligiran dito, patunay na hindi pa napapariwara ng mga tagarito ang kalikasan. Pero bakas din ang kasimplehan ng pamumuhay rito. Wala pang bakas ng modernong sibilisasyon ang lugar. Isa itong paraiso para sa mga nature lover at isang bangungot sa mga taong nilamon na ng makabagong teknolohiya.

Pagkababa ng bangka ay nagtanong si Nathan sa isang lalaking tagaroon sa isla. “Saan po kaya rito mayroong hotel o bahay na mauupahan?”

“Naku, walang hotel dito. Kung bahay naman, mayroon doon sa ibayo. Hanapin n’yo si Iskang Isda, may pinarerentahang bahay iyon. Bahay ng kapatid niyang sa Burgos na nakatira,” pagbibigay-impormasyon ng lalaki. “Ipagtanong n’yo na lang diyan kung saan ang bahay ni Iskang Isda.”

“Maraming salamat po,” sabi ni Helen bago sila nag-umpisang maglakad papunta sa lugar na sinabi ng lalaki.

Ramdam ni Helen ang pagdampi ng sikat ng araw sa kanyang balat pero hindi naman ito gaanong mainit. Alas-nueve pa lang naman. Hindi pa ganoon katindi ang init na dala ng sikat ng araw.

May nadaanan silang tindahan kung saan may mga lalaking nakatambay. Lumapit sa mga ito si Nathan. “Saan po ba rito ang bahay ni Iskang Isda?” magalang na tanong niya sa mga lalaki.

Isa ang sumagot kay Nathan, “Ikaapat na bahay mula rito, iyon ang bahay ni Iska.”

“Salamat.” Tinanguan niya ang kausap at nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang sinasabing bahay ni Iska.

“Tao po! Tao po!” Si Helen na ang nagtawag sa kanilang hinahanap.

Isang matabang babae na siguro’y edad kuwarenta y singko ang lumabas. Kulot ang buhok nito at nakasuot ng bulaklaking duster.

“Anong kailangan n’yo?” tanong nito sa kanila sa seryosong tono at hindi man lang ngumingiti.

Saglit na nagkatinginan sina Nathan at Helen bago sumagot ang huli, “Ahh, kayo po ba si Iskang Isda? Naghahanap po kami ng mauupahang bahay. May alam po ba kayo?”

Nagpalipat-lipat ang tingin ni Iska sa tatlong kaharap na parang kinikilatis ang bawat isa. Pagkatapos ay hinarap nito si Helen. “Ako si Iska. Ayan ang pinaparentahan ko, ’yang bahay sa tapat.” Itinuro nito ang isang bungalow type na bahay na may pinturang murang berde. “Dalawang libo isang buwan. May mga gamit na doon, puwede ninyong gamitin. Basta huwag n’yong sisirain. Kapag may nasira kayo o nabasag, kailangan n’yong palitan. Kukunin n’yo na ba?”

“Opo,” sagot ni Helen sabay tango. Nagliwanag ang mukha ni Iska. Biglang sumaya ang itsura nito.

“Kung ganoon, halikayo. Sumunod kayo sa akin. Doon tayo mag-usap at para makita n’yo na rin ang loob ng bahay.” Nauna nang naglakad ang matabang babae kasunod ang tatlo.

Maayos ang loob ng bahay. Malinis din. Puwedeng-puwede nang tirhan. Mayroon itong malaking mga bintana na nakabukas lang tuwing umaga at kung gabi ay hinaharangan lang ng sawali.

“Habang wala pang nakatira rito, sinisiguro ko lagi ang kaayusan nitong bahay. Sa kapatid ko ito, pero sa Burgos na sila nakatira ng pamilya niya kaya naiwang bakante itong bahay. Madalas, mga katulad n’yong turista ang umuupa rito, kaso bihira lang naman na may mapadpad na mga turista rito. Wala kaming kuryente rito, pero may generator naman. Wala nga rin kaming ospital dito. Kapag may emergency, namamatay na habang ibinibiyahe sa dagat ang pasyente bago pa makarating sa ospital sa Burgos,” paliwanag ni Iska. “Magtatagal ba kayo rito? Dito na ba kayo titira? Sa itsura n’yo, mukhang magbabakasyon lang kayo.” Maaliwalas na ang mukha ni Iska kumpara kanina na seryoso at mukhang mataray ang itsura nito.

“Magbabakasyon lang kami, mga ilang linggo lang siguro,” sagot ni Nathan bago dinukot ang wallet sa likurang bulsa ng suot niyang pantalon. Kumuha siya ng pera sa wallet at iniabot kay Iska.

Mas lumawak ang ngiti ng babae pagkaabot ng pera. “Salamat. Ano nga pala ang mga pangalan n’yo?”

“Ako po si Nathan Torres. Siya naman ang girlfriend kong si Helen. At ’yung bata, pamangkin ko, si Kyte.”

“Ahh, sige. Sana maging masaya ang bakasyon n’yo rito sa isla. Kapag may kailangan kayo, puntahan n’yo lang ako sa kabilang bahay.”

Napatingin si Helen sa isang bahagi ng bahay at napnsin niya ang nakabalumbon na lubid sa sulok. “Bakit po may lubid doon?” Itinuro pa niya ito sa kausap.

“Ah, ’yan ba? Nag-aalaga kasi dati ng kalabaw ang kapatid ko. Baka sobrang tali lang ’yan, diyan na nailagay.”

Napatango-tango na lang siya at saka muling nagtanong, “Bakit po pala Iskang Isda ang tawag sa inyo ng mga tao rito?” Umiral ang pagkaimbestigador ni Helen.

Napabunghalit ng tawa ang matabang babae. “Ah, ’yun ba? Eh, nakasanayan nang tawagin akong Iskang Isda dahil maraming tagarito ang Iska rin ang pangalan. May Iskang Pipi at Iskang Balat, dahil may malaki siyang balat sa mukha. Ako naman, Iskang Isda dahil paglalako ng isda dito sa lugar namin ang ikinabubuhay ko.”

Napatango na lang si Helen. “Uso pala rito ang bansag sa mga tao.”

“Naku, ganoon na nga. Para kapag nag-uusap eh, alam mo kaagad kung sino ba ang pinag-uusapan,” paliwanag pa ng babae. “Sige na, iiwan ko na kayo rito para makapagpahinga kayo. Magluluto pa ako ng pananghalian para sa mga anak ko. Heto ang susi ng pinto bahay. Kayo na ang bahala rito.”

Hindi na hinintay ni Iska na sumagot ang kausap. Mabilis na itong naglakad papalabas ng bahay pagkaabot ng susi kay Helen.

“Kailangan nating magsimula nang maghanap sa hooded rat na iyon. Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon,” sabi ni Nathan nang tuluyan nang makalabas ng bahay ang kanilang kasera.

“Naisip ko lang, kung totoong daga ang hinahanap natin, dapat isang daga na inaalagaan sa bahay. At iniisip ko rin na hindi talaga ’yung daga ang may koneksyon sa sumpa, kundi posibleng iyong taong nagmamay-ari doon sa daga,” matalinong pag-aanalisa ni Helen. “Isang taong mahilig sa daga ang kailangan nating hanapin sa lugar na ito.”

“Ilagay na lang natin ang mga gamit sa kuwarto at lumabas na tayo para umpisahan ang paghahanap sa daga. Pero bago iyon, kumain na muna tayo dahil medyo kumakalam na ang sikmura ko,” sabi ni Nathan.

“Ako rin po, Tito Nathan, nagugutom na rin,” susog naman ni Kyte.

“Akin na ang mga bag n’yo.” Kinuha ni Helen ang mga gamit nila at nagtungo sa kuwarto. Binuksan niya ang aparador. Pagkabukas ay biglang tumalon sa dibdib niya ang isang daga. Napatili siya kaya nagmamadaling tumakbo papasok sa kuwarto sina Nathan at Kyte.

“Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ni Nathan.

“May daga… May tumalon na daga, galing sa aparador. Nagulat lang ako…”

“Akala ko naman kung ano na. Pero magandang senyales ’yan. Mukhang makikita natin agad ang ating hinahanap. Ayan nga at iyong daga na mismo ang lumapit sa’yo,” natatawang sabi ni Nathan.

“Sana nga… Dahil hindi ko maisip kung anong klaseng kamatayan ang naghihintay sa ating tatlo kapag hindi natin napigilan ang sumpa ng rosaryo.”

Chapter 9

MALIIT na komunidad lang ang Isla Maranlig. At dahil nga tatawid pa ng dagat bago ito marating, payak na payak ang buhay ng mga tagarito. May munting palengke sa poblasyon ng isla. Ito ang nagsisilbing sentro ng kalakalan sa lugar na iyon. Kahit na maganda ang isla, hindi naman ito masyadong dinadayo ng mga turista dahil walang sapat na ayuda mula sa gobyerno para maging tourist spot ito. Sapat na sa mga tagarito ang simpleng pamumuhay mula sa pangingisda sa mayamang dagat at pagtatanim sa matabang lupain ng lugar na iyon.

Pagkatapos kumain ay naglakad-lakad sa poblasyon sina Nathan, Helen at Kyte. Sa kanilang paglalakad ay nadaanan nila ang isang opisina na nagsisilbing kampo ng iilang sundalong nakadestino sa lugar na ito. Sila ang mga sundalong nagbabantay sa isla para mapanatiling ligtas ang lugar at hindi pamugaran ng mga taong labas. Sa labas ng opisina ay may nakaparadang isang lumang motorsiklo.

“Nathan, punta tayo diyan sa loob ng kampo. Diyan nadestino dati ang tatay ni Cristy Baltazar. Nabanggit niya sa akin na alam ng mga sundalo rito ang tungkol sa isinumpang rosaryo. Baka matulungan nila tayo.” Parang nakakita ng liwanag sa isang madilim na silid si Helen. Anumang impormasyong puwede nilang makuha sa mga tagaroon ay isang malaking tulong na para sa kanila.

“Halika, magtanong tayo sa loob.” Magkakasunod silang naglakad papunta sa kampo.

“Magandang hapon po,” bati ni Helen sa isang sundalong naabutan nila sa loob ng opisina. “Police Investigator Helen Domingo ng Sta. Cruz Police.” Inilahad ni Helen ang kamay.

Tumayo ang sundalo at inabot ang kamay ni Helen. “Private First Class Carlos Alviar. Carlos na lang. Ano pong maitutulong ko sa inyo?”

“Magtatanong lang sana kami. Dito dati nadestino si Sgt. Romulo Baltazar…”

“Oo, pero namatay na siya kailan lang. Sayang nga, kaka-retire lang niya,” maagap nitong sagot. “Ba’t n’yo siya hinahanap?”

Si Nathan ang sumagot, “Hindi namin siya hinahanap, sir. Gusto lang naming malaman sana kung may alam kayo tungkol dito.” Inilabas niya ang rosaryo at ipinakita sa sundalo.

Napaawang ang bibig ng sundalo. “Iyan ba ’yong rosaryong ibinigay kay Sarhento no’ng matandang babae? Bakit nasa ’yo ang rosaryong ’yan?” tanong ni Carlos. “Ang balita rito, may sumpa raw ang rosaryong ’yan.”

“Nakuha ko ’yan sa isang babaeng namatay sa bayan ng Sta. Cruz na iniimbestigahan ko,” lahad ni Helen. “Nalaman kong ang dating may-ari ng rosaryo ay si Sgt. Baltazar at sabi ng anak niya, dito raw nakuha ni Sarhento ang rosaryo kaya pumunta kami rito para alamin kung paano mapuputol ang sumpa sa rosaryo, kung totoo ngang isinumpa ito.”

“Alam n’yo bang ilang residente ng isla ang namatay na at bawat isa sa kanila ay dating may-ari ng rosaryong ’yan?” tanong ni Carlos. “At kung susuriin, namatay sila nang hindi lumalagpas ang labintatlong araw mula nang mapasakamay nila ang rosaryong ’yan. Kung totoo ang sumpa, maaaring mangyari rin sa inyo ang nangyari sa iba pang dating may-ari ng rosaryo.”

“Pero saan nanggaling ang sumpa? Sino ang naglagay ng sumpa at paano mawawala ang sumpa?” tanong ni Helen.

Umiling ang sundalo. “Iyan ang hindi ko masasagot. Iniisip namin na baka nagkakataon lang na pawang naging may-ari ng rosaryong ’yan ang mga namatay. Pero parang imposible na bakit lahat ng nagkaroon ng kaugnayan sa rosaryo ay tila isinumpang mamatay sa loob ng labintatlong araw?” paliwanag ng sundalo.

“Saan nanggaling ang labintatlong araw? Sino ang nagsabi na ganoon nga ang mangyayari?” giit na tanong ni Helen.

“Kasama na iyon sa kumakalat na kuwento rito. Hindi ko rin alam ang tunay na pinagmulan,” sagot ni Carlos. “Marahil, isa sa mga tinamaan ng sumpa ay namatay on the 13th day.”

“Maliban doon sa matandang nagbigay kay Sarhento nitong rosaryo, may alam ka pa bang tagarito na namatay din na dating may-ari nitong rosaryo?” usisa pa ni Helen.

Saglit na nag-isip si Carlos bago siya nagsalita, “Hindi ko alam kung paanong napunta ang rosaryo doon sa matandang babaeng nagbigay nito kay Sarhento. Pero una kong nakita ang rosaryong iyan sa kapilya ng isla. Nagdadasal noon ang nobya kong si Agnes gamit ang rosaryong iyan.” Saglit na huminto sa pagsasalita si Carlos na parang may bumara sa lalamunan nito. “Makalipas ang mahigit isang linggo, namatay si Agnes. Hindi na siya nagising mula sa pagkakatulog,” malungkot na sabi ng nito.

“Sorry, Carlos…”

Mapait ang ngiting isinagot ng sundalo. “Okay lang. Ganito lang talaga ako kapag naaalala ko si Agnes. Pero okay na ako,” paniniguro pa nito. “May itatanong ka pa ba?”

“Oo sana… Saan napunta ang rosaryo?” Ang kuryosidad ay bumalot sa mukha ni Helen.

“Hindi ko na alam. Hindi ko na nakita ang rosaryo mula noong mamatay si Agnes. Kay Sarhento ko na ulit nakita ang rosaryong iyan. Pero sa burol ni Agnes, naging usap-usapan ang isang rosaryo na diumano ay may sumpa na mamamatay ang sino mang magmay-ari o humawak dito. Nabanggit nila ang mga pangalan nina Encarnacion Gatus, Donata Isidro at Hilario Pascua na pawang nagmay-ari sa rosaryong dala n’yo at lahat sila ay namatay na.”

“Saan dito sa isla sila nakatira?” Sumali sa usapan si Nathan. “Kailangang makausap namin ang pamilya nila. Pati ang pamilya ni Agnes.”

“Wala na rito ang pamilya nina Encarnacion at Donata. Umalis na sila rito sa isla at walang balita kung saan sila lumipat. Wala ring pamilya si Agnes. Lola niya ang nagpalaki sa kanya at pumanaw na ito noong labingwalong taong gulang pa lang si Agnes.” Parang nawalan ng pag-asa ang itsura ng mukha nina Helen at Nathan dahil sa sinabi ni Carlos.

“Si Hilario, may pamilya pa ba siya rito?” tanong ni Nathan.

“Iyong anak na lalaki ni Hilario, diyan siya nakatira sa may paanan ng bundok. Romano ang pangalan niya.”

“Pupuntahan namin siya.” Nagliwanag ang mukha ni Helen. Maging si Nathan ay biglang nagkaroon ng pag-asa.

Diretsuhin n’yo lang ang kalsada. Sa dulo, kumaliwa kayo at dumiretsong muli hanggang marating n’yo ang dulo. Iyon na ang paanan ng bundok. Kung may madadaanan kayong karitela, makisakay na lang kayo para mas mabilis.“

“Maraming salamat sa tulong mo, Carlos,” bukal sa loob na sabi ni Helen.

“Walang anuman,” sagot nito kasabay ang pagtango.

“Salamat, boss,” sabi ni Nathan bago sila tuluyang umalis sa kampo.

Nagsimula silang maglakad papunta sa paanan ng bundok. Kailangan nilang makita ang anak ni Hilario. Baka may alam si Romano tungkol sa sumpa sa rosaryong dala nila.

Pagdaan nila sa isang tila talipapa sa lugar na iyon ay tumawag sa kanilang atensyon ang malakas na boses ng isang lalaki sa bandang unahan ng kanilang dinadaanan. Dire-diretso itong nagsasalita na para bang ang sinasabi ay mula sa isang kinabisadong talata.

“Napakalinaw ng katuruan ng Bibliya patungkol sa paksa ng pagtawag at pakikipag-usap sa kaluluwa ng mga namatay. Idinokumento nang malinaw sa Bibliya ang gawain ng mga tumatawag sa kaluluwa, pagsapi ng kaluluwa sa tao at panghuhula. Sinasabi sa Levitico 19:31, Huwag kayong sasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay o sa mga manghuhula. Kayo’y ituturing na marumi kapag sumangguni kayo sa kanila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.”

Nagpatuloy lang sila sa paglalakad hanggang sa matapatan nila ang lalaking nagsasalita.

“Ayon naman sa Levitico 20:6, Ang sinumang sumasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na o sa mga manghuhula ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan.” Patuloy sa pangangaral ng salita ng Diyos ang lalaki.

Saglit na tinapunan ng tingin ni Helen ang lalaking may katandaan na ang itsura. Nakatali ang mahaba nitong buhok na para bang ilang buwan nang hindi nagugupitan. Ang luma nitong damit ay patong-patong at sira naman ang suot na pantalon. May kapayatan ang matandang lalaki na tila ba kulang sa nutrisyon.

Saglit na napahinto si Helen nang makita ang kabuuan ng matandang lalaki. Maging si Kyte ay napahinto rin. Si Nathan ay patuloy na naglakad at hindi napansin ang paghinto ng dalawang kasama.

Nang lumingon siya sa likuran ay saka lang niya nakitang nandoon pa rin sina Helen at Kyte at nakikinig sa matandang lalaki. “Helen, tara na! Malayo pa ang pupuntahan natin,” tawag pa niya rito.

Hinawakan ni Helen ang kamay ni Kyte at saka lang muling naglakad silang dalawa.

Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang sinasabing paanan ng bundok. Malayo rin ang nilakad nila. Nang tingnan ni Nathan ang oras ay pasado alas-kuwatro na ng hapon. Kaso nga lang, wala silang naabutang tao sa nag-iisang bahay na natagpuan nila sa paanan ng bundok. Naghintay pa nga sila ng ilang minuto pero walang dumating na nakatira sa bahay na iyon.

Noon bumuhos ang malakas na ulan. Napilitan silang sumilong sa isang kural na wala namang nakakulong na mga baboy. Hinintay nilang huminto ang ulan pero lalo pa itong lumakas kaya agad ding nagputik ang daan. Kasabay noon ay dumilim na rin ang langit kahit hindi pa naman sumasapit ang gabi.

Mag-a-alas-sais na nang huminto ang ulan. Kagat na rin ang dilim sa paligid. Dahil hindi pa rin dumadating ang anak ni Hilario ay nagpasya na sina Helen at Nathan na umuwi. Ginawa nilang tanglaw sa daan ang flashlight ng cellphone ni Nathan.

Habang naglalakad pabalik sa kanilang tinutuluyang bahay ay may nakasalubong silang lalaking pamilyar ang itsura. Kahit may talukbong ang ulo nito ay nakilala ni Helen na ito ang lalaking nangangaral ng salita ng Diyos sa poblasyon kanina. Mabibilis ang hakbang ng lalaki. Marahil ay gusto na rin nitong makauwi kaagad dahil baka muling bumuhos ang ulan.

Nang lumagpas sa kanila ang lalaki ay biglang may naisip si Helen.

“Nathan!”

“O, bakit?”

“Iyong lalaking nakasalubong natin, baka siya si Romano!”

Chapter 10

“ANO?”

“Tingnan mo, papunta siya sa gawi ng pinanggalingan natin. Patungo siya sa may paanan ng bundok. Ibig sabihin doon siya nakatira,” pag-aanalisa pa ni Helen.

Nilingon ni Nathan ang lalaki pero hindi na niya ito nakita. “Nasaan na iyon? Ang bilis naman niyang maglakad. Nawala na agad siya?”

“Sundan natin siya,” mungkahi ni Helen.

“Babalik tayo?” Parang gustong tumutol ni Nathan. “Gabi na, hindi natin kabisado ang isla. Baka hindi tayo mamatay sa sumpa, pero ibang kapahamakan naman ang masalubong natin sa daan.”

“Tito Nathan, pagod na po ako…” daing ni Kyte. “Bumalik na lang po tayo bukas.”

Nagkatinginan sina Helen at Nathan. Nakakaawa na rin ang itsura ni Kyte. Pawisan na ito at halatang pagod na pagod sa paglalakad.

“Sige, umuwi na tayo,” pasya ni Helen. “Ituloy na lang natin ang paghahanap bukas.”

“Kaya mo pa bang maglakad, Kyte?” tanong ni Nathan sa pamangkin.

“Opo,” sagot ng bata kasabay ang pagtango.

Nagpatuloy sila sa paglalakad na tanging ang flashlight pa rin ng cellphone ang tanglaw nila sa daan.

“Sayang itong isla,” pakli ni Helen. “Maganda sana pero hindi sinusuportahan ng gobyerno. Tingnan mo, wala man lang sasakyan maliban do’n sa lumang motorsiklong nakaparada sa kampo. Porke ba isla, wala nang paraan para makapag-transport ng sasakyan dito? Napakadali naman ng solusyon. Kailangan lang ng barkong bibiyahe mula Burgos papunta rito. Imbes na maliliit na bangkang pangisda, bakit hindi sila magpabiyahe ng barko kahit isang beses sa isang linggo o dalawang beses sa isang buwan?”

Natawa si Nathan. “Eh ba’t sa akin mo sinasabi? Pareho tayong nagtatrabaho sa gobyerno, pero pareho tayong walang magagawa para umasenso ang kabuhayan ng mga tao dito sa isla,” seryosong sabi niya.

“Iyon lang… Wala kasi tayo sa puwesto.”

“At wala tayo rito para asikasuhin ang pag-asenso nila. Nandito tayo para hanapin ang pinagmulan ng sumpa sa rosaryo at alamin kung paano ito mapipigilan,” paalala ni Nathan. “Dahil kapag hindi natin naputol ang sumpa, mas lalong wala na tayong magagawa para umasenso kahit ang mga sarili natin dahil pareho na tayong mamamatay.” May diin ang huling salitang sinabi nito.

Napabuntong-hininga na lang si Helen. Wala na silang imikan habang naglalakad at hanggang makarating sa tinutuluyan nilang bahay.

Binuksan ni Nathan ang ilaw sa salas nang makapasok na sila sa loob. Si Kyte naman ay tumakbo papasok sa loob ng silid.

“Mabuti na lang at may generator dito kahit paano. Isipin mo na lang kung paanong mas mahirap ang pamumuhay ng mga tao rito kung wala silang sapat na liwanag tuwing sasapit ang gabi.” Akala ni Nathan ay tapos na ang speech ni Helen tungkol sa kawalang suporta ng gobyerno sa isang napakagandang lugar na puwedeng mag-ambag ng kasiglahan ng turismo sa bansa.

Nakarinig sila ng mga katok sa pinto. Binuksan iyon ni Nathan.

“Magandang gabi!” masayang bati ni Iskang Isda na may dalang food bowl at abot tainga ang ngiti. “Dinalhan ko kayo ng ulam. Kinamatisang isda. Tikman n’yo, masarap ito,” buong pagmamalaking sabi ng babae patungkol sa kanyang dalang ulam.

“Pumasok po kayo,” sabi ni Nathan.

“Kanina ko pa dapat dadalhin ito, kaso nakita kong wala pang ilaw at nakakandado pa rin ang pinto. Pero ’wag kayong mag-alala, ininit ko na ito para mas masarap ang kain n’yo.” Hindi nawawala ang maaliwalas na itsura ng babae.

“Naku, wala pa nga pala tayong bigas!” bulalas ni Helen.

“Ganoon ba? O, kunin mo na itong ulam at kukuha ako ng kanin sa amin.” Iniabot ni Iska kay Helen ang food bowl at nagmamadaling lumabas ng bahay.

Ilang sandali lang ay nakabalik na ang kasera nila dala pa nito ang mismong kalderong naglalaman ng kanin. “O, pagkasyahin n’yo na lang ito.”

“Salamat po. Sana hindi na kayo nag-abala,” sabi ni Nathan.

“Aling Iska, may itatanong sana ako,” biglang bulalas ni Helen.

“Ano iyon?”

“May kilala ba kayong tagarito na mahilig sa daga o kaya naman ay nag-aalaga ng daga? Kahit sino po na tagarito.”

Nag-isip ang matabang babae. “Daga? Dagang kosta ba ang sinasabi mo? Iyon lang naman ang alam kong daga na puwedeng alagaan. Kung ganoong daga, wala akong kilala. Pero dagang bukid, may mga nanghuhuli na mga tagarito, hindi para alagaan kundi para lutuin at gawing pang-ulam,” kuwento pa ni Iska.

“Sino po sila?” interesado niyang tanong.

“Naku, napakarami. Halos lahat ng tagarito na nagsasaka ay kumakain ng daga.”

Napangiwi si Helen. Kahit alam niyang may mga lugar talaga na ginagawang putahe ang daga, hindi niya nakikita ang sarili niya na titikim ng pagkaing iyon. Kahit kailan.

“Teka…” Biglang napangiti si Iskang Isda. “May dagang kilala dito sa lugar namin.”

“Sino?” halos sabay na sabi nina Nathan at Helen. Ito na ba ang sagot sa tanong nila?

“Eh, bakit ba interesado kayo sa daga? Nagpunta lang ba kayo rito para maghanap ng daga? Wala bang daga sa lugar na pinanggalingan n’yo?” tanong ni Iska.

Nagkatinginan ang dalawa. Kailangan na nilang sabihin sa babae ang totoong pakay nila, dahil baka may maitulong ito sa kanila. Konting araw na lang ang nalalabi. Mauubos na ang oras nila.

Inilabas ni Nathan ang rosaryo at ipinakita sa kanilang kasera. “Kilala n’yo po ba ang rosaryong ito?”

“May pangalan ba ’yan?” inosenteng tanong nito.

“Ang ibig kong sabihin, alam n’yo po ba kung ano’ng meron sa rosaryong ito?”

“Umiling si Iska. “Hindi, eh. Pero merong kumakalat na kuwento dito sa amin tungkol sa isang isinumpang rosaryo. Pero ’di ko pa nakikita ang rosaryong iyon.” Biglang nanlaki ang mga mata ng babae at tinitigan si Nathan. “Iyan ba ang isinumpang rosaryo? Hesusmaryosep!”

“Opo, ito nga ang isinumpang rosaryo,” sagot ni Nathan.

Napaantada si Iska. “Diyos ko po, bakit hawak mo ’yan? Hindi mo ba alam na mamamatay raw sa loob ng labintatlong araw ang sinumang humawak o magmay-ari sa isinumpang rosaryo? Saan mo nakuha ’yan?”

“Mahabang kuwento. Pero kaya kami naparito ay para subukang putulin ang sumpang nakakapit sa rosaryong ito. Kumonsulta kami sa isang espiritista. Ang sabi sa amin, hanapin namin ang daga. Dito nanggaling ang rosaryo kaya naisip naming dito rin matatagpuan ang dagang iyon,” paliwanag ni Nathan.

“Daga? Anong kaugnayan ng daga sa sumpa?” naguguluhang tanong ni Iska.

“Sino po iyong sinasabi mong kilalang daga na tagarito sa inyo?” sabad ni Helen sa usapan. “Baka matulungan niya kami sa aming pakay dito sa lugar n’yo?”

May pag-aalangan sa itsura ni Iska. “Eh, kasi… baka hindi naman niya kayo matulungan.”

“Bakit po? Sino po ba ang dagang iyon?”

“Sinto-sinto raw kasi iyon. Baka hindi n’yo makausap nang matino. Paano niya kayo matutulungan?” Hindi pa rin nawawala ang alinlangan ni Iska.

“Anong pangalan niya? Saan namin siya puwedeng puntahan? Tulungan mo kami. Tatlo kaming nanganganib na mamatay kapag hindi naputol ang sumpa.” Desidido si Nathan na makumbinse ang kausap.

Sasagot na si Iska nang makarinig sila ng sigaw mula sa loob ng silid. “Tito Nathan!!!”

“Si Kyte!” Patakbong nagtungo sa silid si Helen kasunod sina Nathan at Iska.

Naabutan nila si Kyte na walang suot na t-shirt at umiiyak na.

“Anong nangyari sa’yo?” tanong ni Nathan sa pamangkin.

“Tito Nathan, tingnan mo ang dibdib ko andaming kaliskis. Parang natakpan ng balat ng ahas ang dibdib ko,” umiiyak na sabi ng bata.

Bakas ang pagtataka sa mukha ni Iska. Anong kaliskis sa dibdib ang sinasabi ng bata ganoong wala naman siyang nakikitang kakaiba sa balat nito?

Chapter 11

MABILIS na kumuha si Nathan ng kamiseta ni Kyte at ibinigay rito. “Eto, magsuot ka ng damit.”

Agad namang sumunod ang bata sa utos ng tiyuhin.

“Anong kaliskis? Nasaan? Wala naman akong nakikitang kaliskis sa dibdib niya.” Puno ng pagtataka sa mukha ni Iska.

Nagkatinginan sina Helen at Nathan. Si Helen ang unang nakabawi. “Epekto ’yan ng sumpa ng rosaryo. May mga bagay siyang nakikita na hindi nakikita ng iba. Kaya sana matulungan n’yo kami…”

“Paano ko ba kayo matutulungan? Kinakabahan na ako.” Halata ang takot sa boses ni Iska.

“Sino iyong sinasabi n’yong daga na kilala rito sa lugar ninyo?” tanong ni Helen.

“Si Didong Daga,” agad nitong sagot. “Madalas siya sa poblasyon, nangangaral ng salita ng Diyos.”

Napamulagat si Helen. “Siya ba iyong payat na lalaki na mahaba ang buhok at medyo nakalabas ang dalawang ngipin sa itaas?”

“Siya nga! Pumupunta lang siya sa poblasyon para maghayag ng salita ng Diyos. Pagkatapos ay uuwi na siya sa Kadawagan.”

“Nathan! Siya iyong nadaanan natin sa poblasyon kanina at ’yung lalaking nakasalubong natin na nakatalukbong noong pauwi na tayo.”

“Oo, naaalala ko. Sinong mag-aakalang siya ang dagang hinahanap natin?” hindi makapaniwalang sabi ni Nathan. Kahit paano ay may linaw na ang misteryo ng hooded rat na nakikita nilang lumilitaw sa kanilang isip kasama ng iba pang mga imahe.

Hindi pala domestic rat ang hooded rat sa kanilang pangitain. Hindi rin tao na mahilig sa daga o nag-aalaga ng daga, kundi isang tao na binansagang daga dahil sa pisikal na anyo nito.

At eksakto si Didong Daga sa deskripsyon sa kanilang pangitain. Isang hooded rat na nagbubunganga ng pananampalataya. Hindi ba’t si Didong Daga ay nagbubunganga sa poblasyon ng mga salita ng Diyos? Idagdag pang ang ulo niya ay may talukbong nang makasalubong nila ito sa daang pauwi dahil sa suot nitong hoodie.

“Saan ang Kadawagan?” interesadong tanong ni Nathan.

“Sa gubat! Ang Kadawagan ay sa gubat pag-akyat ng bundok.” Pinipilit maging mahinahon ni Iska pero ’di niya magawa.

Biglang pumutok ang bumbilyang nagbibigay liwanag sa silid. Maging ang fluorescent bulb sa salas ay pumutok rin kaya napuno ng kadiliman ang buong bahay. Nagpalinga-linga sa paligid sina Helen at Nathan.

Takot na takot si Iskang Isda. “Anong nangyayari? Helen! Nathan!”

“Aaaahhhhh!!!” sigaw ni Kyte. “Tito Nathan, ang sakit ng tiyan ko!!!” Humagulgol siya na parang wala nang bukas. Namilipit siya sa nararamdamang pananakit ng tiyan.

Binuksan ni Nathan ang flashlight ng kanyang cellphone para magkaroon sila ng kahit konting liwanag.

“Teka, kukuha ako ng bagong bumbilya sa bahay. Hintayin n’yo ako rito!” Nagmamadaling lumabas ng silid si Iska at nagtungo sa pintuan ng bahay. Ngunit pagbukas niya ng pinto ay sinalubong siya ng isang malakas na hangin na tumangay sa kanya papasok sa loob ng bahay. “Aaahhhhh!!!” Para siyang hinipang papel na tumilapon pabalik sa loob ng bahay. Ang malakas niyang sigaw ang huling narinig sa kanya dahil bumagok ang kanyang ulo sa dingding na naging sanhi ng pagkawala ng kanyang malay.

Patuloy sa pamimilipit sa sakit ng tiyan si Kyte. Nakahiga na ito sa sahig at naghuhumiyaw na sa hindi makayanang sakit na nararamdaman. “Tulungan mo ako, Tito Nathan! Mamamatay na po ba ako?” umiiyak na panaghoy niya.

Bigla ay nanginig ang katawan ni Kyte at pagkatapos ay tumirik ang mga mata. Ibinuka nito ang bibig na para bang nasusuka.

“Buwaaarrkkk!!!” Bumuhos papalabas sa bibig ni Kyte ang kulay berdeng likido na halos parang apdo ang itsura.

“Kyte!!!” Hindi malaman ni Nathan ang gagawin sa pamangkin. Labo-labo na ang mga ideyang naglalaro sa kanyang isip. Ngayon na ba papatayin ng sumpa si Kyte?

Bumangon si Kyte at naglakad papunta sa kanilang dalawa. Nanlilisik ang mapula nitong mga mata at umaagos ang berdeng likido sa bibig. Naalarma si Nathan. Hindi na si Kyte ito!

Patuloy sa paglapit si Kyte sa tiyuhin. Hindi na nagdalawang-isip pa si Nathan. Nilundag niya si Kyte at kapwa sila bumagsak sa sahig. Kinubabawan niya ang pamangkin at sinikap na hindi ito makakilos.

Nagpambuno ang magtiyuhin. Kahit bata, kakaiba ang lakas ni Kyte. Sa malas ay mukhang magagapi nito si Nathan.

Sinaklolohan ni Helen ang kanyang nobyo. Dalawa na silang pumipigil sa pagpupumiglas ng batang may kakaibang lakas. Tinulungan niya si Nathan na magapi si Kyte pero walang nagawa ang pinagsanib nilang puwersa para talunin ang bata. Sa isang pagkakataon ay nagawa nitong maitulak silang dalawa nang ubod lakas.

Kapwa tumilapon ang magkasintahan sa tindi ng pagkakatulak sa kanila ni Kyte. Napangiwi si Helen nang bumagsak siya sa sahig na una ang balakang. Si Nathan naman ay bahagyang nahilo sa pagtama ng kanyang ulo sa aparador. Pareho silang hindi kaagad nakabangon pagbagsak nila sa sahig.

Naglakad si Kyte papalapit sa kanilang dalawa.

Si Nathan ang unang nilapitan ng batang nasaniban ng kung ano mang elemento. Pinilit bumangon ni Nathan at bahagyang napaurong. Paano niya lalabanan ang espiritung sumanib sa katawan ni Kyte nang hindi nasasaktan ang kanyang pamangkin?

“Anong gagawin natin?” nag-aalalang tanong ni Helen na iniinda pa rin ang masakit na balakang. “Hindi natin siya puwedeng saktan. Baka ang katawan ni Kyte ang mapinsala!”

Patuloy sa pagpalit si Kyte. Wala ring tigil ang paglabas ng berdeng likido sa bibig nito. Ang mapula nitong mga mata ay tila nag-aapoy.

“Kyte, kilala mo ba ako? Tito Nathan ’to,” nag-aalangang tanong niya sa pamangkin.

“Mamamatay ka!” Biglang tinalon ni Kyte ang tiyuhin na naging dahilan para mawalan siya ng balanse at pareho silang nabuwal. Sinamantala iyon ni Nathan para mapigilan ang pamangkin sa muli nitong pag-atake.

“Helen, iyong lubid sa sulok sa salas, kunin mo. Kailangang maigapos natin si Kyte!”

Tiniis ni Helen ang sakit na nararamdaman para makakilos nang mabilis. Nagtungo siya sa salas at kinuha ang lubid. Noon lang niya nakita ang wala pa ring malay na si Iska.

“Aling Iska!” Nilukob na siya ng pagkataranta. Gusto man niyang daluhan ang matandang babae ay kailangan siya ni Nathan sa loob.

“Helen, bilis!” narinig niyang sigaw ng nobyo. Dinig din niya ang walang tigil na pagsigaw ni Kyte.

“Eto na!” Sumugod si Helen papasok sa silid. Nadatnan niyang nagpapambuno pa rin ang magtiyuhin.

“Itali mo si Kyte. Higpitan mo,” utos ni Nathan.

Walang pag-aalinlangan siyang kumilos. Mapapahamak silang lahat kung hindi nila ito gagawin.

Sinikap pa ring manlaban ni Kyte para makawala siya at hindi tuluyang maigapos pero hindi nagtagal ay naipulupot na ni Helen ang lubid sa buo niyang katawan. At saka lang umalis sa pagkakadagan sa kanya si Nathan.

“Hindi n’yo ako matatakasan! Papatayin ko kayo!” nanlilisik ang mga matang sigaw ni Kyte. Ang malagong at bahaw na boses na lumabas sa bibig nito ay mas nagpatindig sa kanilang balahibo. Hindi si Kyte ang nagsasalitang iyon. Demonyo iyon na sumanib sa murang katawan ng bata!

“Nathan, nasaan ang holy water na kinuha mo sa simbahan?” natatarantang tanong ni Helen. Abot-abot na rin ang kaba at takot niya sa posibleng kahinatnan ng nangyayari kay Kyte.

“Nasa bag ko!” sagot ni Nathan.

Mabilis na kinuha ni Helen sa bag ng nobyo ang holy water at dinala kay Kyte. Pero bago pa niya malapitan ang paslit ay muli itong nagsalita.

“Tito Nathan…”

Napatigil sa paglapit si Helen. Bumalik na ba sa dating sarili nito si Kyte?

“K-kyte? Ikaw na ba ’yan?” tanong ni Nathan.

“Pakawalan n’yo ako, Tito Nathan,” nagmamakaawang samo nito sa tiyuhin.

Napahakbang si Nathan papalapit sa bata. Pero bago pa siya tuluyang makalapit ay muling nagsisigaw si Kyte.

“Aaaahhhhh!!! Tito Nathan, ang sakiiit!” panaghoy nito na muling nagdulot ng labis na pag-aalala kina Helen at Nathan. Kitang-kita nila na halos mawalan na ng malay si Kyte sa tindi ng sakit na nararamdaman.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Helen. Mabilis niyang nilapitan ang nakagapos na bata na ngayon ay namimilipit sa sakit habang nakahiga sa sahig. Binuksan niya ang botelyang may lamang holy water.

Lumuhod na si Helen para mas malapit sa bibig ng bata ang botelyang may benditadong tubig. “Nathan, hawakan mo ang bibig ni Kyte! Ibuka mo ang bibig niya.”

Kahit nakagapos ay pilit na nagpapasag si Kyte ngunit hinawakan ni Nathan nang madiin ang panga ng pamangkin at pilit na ibinuka ang bibig nito.

Muli ay biglang nanlisik ang mga mata ni Kyte na tila ba lalabasan ng apoy anumang sandali! “Papatayin ko kayo!!!” Hindi na ikinagulat nina Helen at Nathan ang boses na lumabas sa bibig ni Kyte. Katulad din iyon ng boses nito kanina na hindi nila mawari kung boses ba iyon ng babae o boses ng lalaki. Malaki ang bahaw na boses na animo’y nanggagaling sa ilalim ng lupa. “Wala kayong magagawa, mamamatay kayong lahat!” Muling bumuga ng berdeng likido si Kyte at tumamang lahat sa dibdib at mukha ni Helen. Hindi kaagad nakakilos si Helen nang maramdaman ang malapot na berdeng likido na umamagos sa kanyang mukha. Halos mandiri siya sa nangyari pero hindi siya nasiraan ng loob. Mabilis niyang itinapat sa bibig ni Kyte ang boteng may holy water at agad na ibinuhos iyon sa bibig nito.

Hindi binitawan ni Nathan ang pagkakahawak sa panga ni Kyte para masigurong malulunok nito ang holy water. Ngunit mas lalo pang nangisay ang bata. At patuloy ang paglabas ng berdeng likido mula sa bibig nito.

Chapter 12

HINDI magawang kumilos nina Nathan at Helen habang patuloy na naglalabas ng berdeng likido ang bibig ni Kyte. Nadagdag pa ang pagod na nadarama nila dahil sa pagod sa pakikipagbuno sa batang sinaniban ng masamang elemento.

Sa itsura ni Kyte ngayon, malabong makawala ito sa pagkakatali dahil halos hindi nito maigalaw ang buong katawan. Tumigil na rin ang paglabas ng berdeng likido sa bibig nito.

Dahil hindi makakilos ay todo ang ginawang pagsigaw ni Kyte. Ilang sandali pa ay muli itong sumuka. Ang dating berdeng likido na inilalabas ng bibig nito ay naging itim na. Pagkatapos sumuka ay may tila usok na lumabas sa mga mata nito kasunod ang pagkawala nito ng malay.

“Kyte…” Nag-aalalang tinawag ni Nathan ang pamangkin. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring hindi maganda kay Kyte.

“Tatanggalin ko na ang gapos niya,” sabi ni Helen.

“Huwag!” mabilis na tutol ni Nathan. Pinulsuhan niya ang pamangkin at pinakinggan ang tibok ng dibdib nito. “Okay naman siya. Nawalan lang ng malay. Bukas na lang natin tanggalin ang gapos niya. Hindi pa natin sigurado kung si Kyte na ba talaga ’yan.”

“Pero—” Hindi na itinuloy ni Helen ang sasabihin kahit na nakakaramdam siya ng habag kay Kyte.

Tumayo si Nathan at binuhat ang walang malay na si Kyte. Inihiga niya ang pamangkin sa kama. “Magpahinga ka na rin, Helen.”

“Dito na lang tayong tatlo. Pagkatapos ng nangyari ngayon, nararamdaman kong hindi pa ito ang huli. May mga mangyayari pa para matupad ang sumpa anumang oras hanggang sa sumapit ang ikalabingtatlong araw.” Bigla siyang may naalala. “Si Aling Iska nga pala!” Tumayo siya at agad na pinuntahan ang kasera sa labas ng silid. Sumunod na rin sa kanya si Nathan.

Laking pagtataka nila nang makitang wala na sa salas si Iskang Isda.

“Aling Iska?” Sumilip pa si Helen sa bintana upang tingnan ang katapat na bahay ng kasera nila ngunit kadiliman lang ang sumalubong sa kanya. Walang ilaw sa bahay ni Iska.

“Nasaan siya?” tanong ni Nathan.

“Nandiyan siya kanina at walang malay noong kinuha ko ang lubid,” sagot ni Helen. “Nasaan na siya?”

“Baka naman nagkamalay na at umuwi na dahil sa takot?”

“Pero patay ang ilaw sa bahay niya?”

“Kasi nga, gabi na. Matutulog na siya.”

“Seryoso ka sa sinasabi mo? May tao bang nakasaksi ng katulad sa nangyari kanina ang basta na lang uuwi para matulog kasi gabi na?” napapantastikuhang tanong ni Helen. Hindi siya makapaniwala sa mga rason ni Nathan.

“O, baka naman mag-away pa tayo dahil diyan. Ang dapat nating gawin ay magpahinga na rin dahil marami pa tayong gagawin bukas. Puntahan na lang natin bukas si Aling Iska sa kanila, sigurado namang andoon lang iyon.” Nauna nang bumalik sa silid si Nathan.

Bagsak ang balikat na sumunod si Helen sa nobyo. Wala rin namang mangyayari kung magtatalo pa sila. Pagod na rin naman siya at gusto na niyang magpahinga.

Nakahiga na si Nathan sa tabi ng nakagapos na si Kyte nang pumasok siya sa silid. Nahagip ng mata niya ang cellphone nito na nasa sulok at kasalukuyang nagcha-charge. Ang flashlight nito ang siya pa ring nagbibigay liwanag sa buong silid. Kinuha niya ang sariling charger at isinaksak ang cellphone niya para mag-charge din ang battery nito. Pagkatapos ay humiga na rin siya sa kabilang gilid ng kama kaya napagitnaan nila ang bata. Dahil sa pagod, hindi na nila namalayan ang mabilis na paglipas ng mga sandali.

NAALIMPUNGATAN si Helen nang marinig ang boses ni Kyte.

“Tito Nathan, bakit po ako nakatali? Tanggalin n’yo po ang gapos ko.”

Nagmulat siya ng mga mata. Nakita niyang gising na si Kyte at nasa mukha nito ang pagtataka sa nagisnang sitwasyon.

“Kyte!” Bumalikwas siya ng bangon para kalagin ang gapos ng bata. “Nathan, gising na si Kyte.”

“Tita Helen…” naiiyak na sabi ng bata. “Bakit po ako nakatali?” muli niyang tanong.

“Sandali lang, kakalagan kita ng tali.” Inumpisahan niyang alisin ang pagkakabuhol ng lubid sa katawan ni Kyte. Nahirapan siyang kalagin ang lubid dahil siniguro niyang mahigpit ang pagkakatali niya rito.

“Nathan, gumising ka na. Tulungan mo akong kalagin ang lubid na nakagapos kay Kyte.”

Dumilat ang mga mata ng binata. “Kyte, okay ka na ba?” agad niyang tanong sa pamangkin.

“Tito Nathan…”

Bumangon si Nathan at dalawa sila ni Helen na nagtulong para maalis kaagad ang lubid na nakagapos kay Kyte hanggang sa tuluyang makalag ang tali.

“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Nathan kay Kyte. “May masakit pa ba sa’yo?”

Sunod-sunod ang naging pag-iling ng bata. “Bakit po ako nakagapos?”

“Hindi mo ba alam? Namilipit ka sa sakit kagabi. Pagkatapos, biglang nagbago ang boses mo at—” Hindi na niya itinuloy ang sasabihin. Naisip niyang baka lalo lang matakot ang kanyang pamangkin.

Si Kyte naman ay tila naghihintay pa sa sasabihin ng tiyuhin.

“Hindi na mahalaga kung ano ang nangyari kagabi. Ang mas importante, okay ka na at puwede na nating gawin ang mga bagay na dahilan kung ba’t tayo nagpunta rito sa isla,” maagap na salo ni Helen.

Hindi na nagtanong pa si Kyte.

“Ayusin n’yo na ang mga sarili n’yo, para makaalis na tayo,” utos sa kanila ni Nathan.

BAGO tuluyang umalis ay dumaan muna sila sa bahay ni Iska.

“Aling Iska!” tawag ni Nathan. “Tao po!”

Walang sumagot.

Si Helen naman ang tumawag, “Tao po! Tao po!”

Wala pa ring sumagot.

“Baka naman naglalako na ng isda si Aling Iska kaya wala siya,” sabi ni Nathan.

“Siguro nga,” pagsang-ayon naman ni Helen. “Sige, lakad na tayo. Mamaya na lang natin kausapin si Aling Iska.”

“Doon muna tayo sa poblasyon. Baka naroon ulit si Didong Daga,” suhestiyon ni Nathan. “Pero kumain muna tayo, kagabi pa tayo hindi kumakain.”

Pagdating sa poblasyon ay hindi nila nakita si Didong Daga. Nagtungo sila sa isang karinderya at bumili ng makakain. Habang kumakain ay nagbabakasakali silang darating ang taong kanilang hinahanap. Kapag hindi iyon dumating ay mapipilitan silang puntahan ito sa sinasabing lugar kung saan ito nakatira. Sa Kadawagan.

HANGGANG sa matapos silang kumain ay walang Didong Daga na dumating kaya nagpasya silang muling maglakad para hanapin ang tinitirhan nito sa Kadawagan.

Medyo malayo na rin ang nilalakad nila nang madaanan sila ng isang karitela. Huminto ang karitela sa kanilang tapat. Kinausap sila ng lalaking nakasakay rito.

“Mukhang malayo ang pupuntahan n’yo. Sumakay na kayo rito,” anyaya sa kanila ng lalaki. Pinahinto nito ang kabayong humihila sa karitela.

“Papunta po kami sa Kadawagan,” sabi ni Helen.

“Sige lang, ibababa ko na lang kayo sa may paanan ng bundok,” sagot naman ng lalaki.

Hindi na nahiya sina Nathan at Helen. Sumakay na sila sa karitela.

“Ano ba ang gagawin ninyo sa Kadawagan?” tanong ng lalaki habang minamaniobra nito ang karitela.

“Hinahanap namin si Didong Daga. May kailangan lang kaming itanong sa kanya.” Si Nathan ang sumagot.

“Aba, madalas sa poblasyon iyon, ah. Hindi n’yo ba siya nadaanan doon?”

“Hindi po. Kaya nagpasya kaming hanapin na lang siya sa Kadawagan dahil doon daw siya umuuwi.”

“Mukhang mahalaga ang pakay ninyo sa kanya para dayuhin n’yo pa siya sa Kadawagan. Baka abutin na kayo ng gabi roon. Mahihirapan kayong umakyat sa bundok lalo na at umulan kahapon. Baka madulas ang daan.”

“Pagtitiyagaan na lang namin. Kailangan talagang mahanap namin siya at makausap,” untag ni Helen.

“Baka hindi kayanin ng batang kasama n’yo. Mas matatagalan kayo sa daan.” Bumaling ang lalaki kay Kyte. “Okay ka lang ba, Totoy?”

“Opo,” sagot nito sabay tango.

“Kung gusto n’yo, iwanan n’yo na lang sa bahay ko itong bata. Balikan n’yo na lang ’pag uuwi na kayo. Tutal naman, doon lang ako nakatira sa may paanan ng bundok.”

Nagkatinginan sina Nathan at Helen. Pareho ba sila ng iniisip?

“Nagpunta nga rin po kami kahapon sa may paanan ng bundok dahil hinahanap naman namin si Romano Pascua,” naibulalas ni Helen.

Pinahinto ng lalaki ang karitela at saka sa seryosong tinig ay muling nagtanong, “Ano ang kailangan ninyo kay Romano Pascua?”

Chapter 13

“ANO ang kailangan ninyo kay Romano Pascua? Bakit n’yo ako hinahanap?”

“Ikaw si Romano?” Hindi naitago ni Helen ang kasiyahan.

“Kailangan namin ang tulong mo,” sabi ni Nathan. “Tungkol sa isinumpang rosaryo.”

“Nasa inyo ang rosaryo?” Binalot ng magkahalong pangamba at pagtataka ang mukha ni Romano.

Tumango si Helen. “Oo, at mauubusan na kami ng oras. Kailangang maputol namin ang sumpa sa rosaryo bago pa kami madamay sa sumpa nito.”

“Paano n’yo gagawin? Hindi ko rin alam kung paano aalisin ang sumpa sa rosaryong iyon?”

“Wala bang nabanggit sa’yo ang tatay mo na mga kakatwang nangyari sa kanya mula nang mapunta sa kanya ang rosaryo?” Walang balak sumuko si Helen.

“Meron ba siyang mga naikuwento sa’yo na mga imaheng lumilitaw sa kanyang isip nang paulit-ulit?” susog naman ni Nathan.

Nag-isip si Romano. Pilit niyang inalala ang mga nangyari noong bago mamatay ang kanyang ama. Ilang sandali pa ay nagsalita ito, “Doon tayo mag-usap sa bahay ko.” At muli na nitong pinatakbo ang kabayo para marating agad nila ang kanyang bahay sa may paanan ng bundok.

PAGDATING sa bahay ni Romano ay umupo sila sa mga upuang gawa sa kawayan na nasa salas ng bahay. Doon nila ipinagpatuloy ang naputol nilang usapan kanina.

“Paanong napunta sa inyo ang rosaryo?” umpisang tanong ni Romano.

“Ako si Police Investigator Helen Domingo ng Sta. Cruz Police. Nakuha ko ang rosaryo sa isang babaeng natagpuang patay sa salas ng bahay niya. Sa pag-iimbestiga ko, natunton ko ang dating may-ari ng rosaryo bago ito napunta sa babaeng natagpuang patay. At may nakapagsabi rin na isinumpa nga ang rosaryo na mamamatay sa loob ng labingtatlong araw ang sinumang hahawak o magmamay-ari nito. Kaya nagpunta kami rito sa pagbabakasakaling mahanap namin dito sa isla ang pinag-ugatan ng sumpa at matukoy namin kung paano ito mapuputol bago pa umepekto sa aming tatlo ang sumpa,” mahaba niyang paliwanag.

“Noong napunta sa tatay ko ang rosaryo, hindi naman niya alam na may sumpa ’yan. Napulot niya ang rosaryo sa Kadawagan habang siya’y nangangahoy.”

“May napansin ka bang kakaiba sa tatay mo mula nang mapulot niya ang rosaryo?” tanong ni Helen.

Biglang may naalala si Romano. “Tama! Naalala ko na, madalas siyang magising sa gabi na sumisigaw.”

“Nananaginip siya?” tanong ni Nathan.

“Binabangungot siya. Lagi niyang sinasabi na may babaeng gustong pumatay sa kanya. At sa huli ay namatay nga sa bangungot ang tatay ko. Nagtagumpay ang babaeng sinasabi niyang gustong pumatay sa kanya.” Lumatay sa mukha niya ang lungkot.

“Ano pa ang naikuwento sa’yo ng tatay mo?” tanong naman ni Helen.

Bahagyang nag-isip si Romano at saka siya sumagot. “Sabi niya, may nakikita siyang imahe ng daga na may suot na hood. Hindi naman namin alam kung anong ibig sabihin noon. Imposible namang may daga na magsusuot ng hood at magbubunganga ng pananampalataya.” Napatingin siya kay Helen. “May koneksyon ba sa rosaryo ang daga na iyon?”

“Si Didong Daga…” mahinahong sabi ni Helen.

Napamulagat si Romano. “Si Didong Daga iyong daga sa imaheng nakita ng tatay ko?”

Nakikita rin namin ang imaheng iyon. At iba pa…“

“At kaya namin hinahanap si Didong Daga ay para maging mas malinaw sa amin kung ano ang kaugnayan niya sa isinumpang rosaryo,” sabad naman ni Nathan.

“Sasamahan ko kayo… Halikayo, puntahan na natin si Didong sa Kadawagan. Iwanan n’yo na rito ang bata.”

“Tito Nathan, sasama po ako. Ayoko pong maiwan dito…”

“Isama na natin siya, Romano. May nangyaring hindi maganda sa kanya kagabi, kaya nag-aalangan kaming iwanan siyang mag-isa,” sabi ni Nathan.

“Anong nangyari sa kanya?”

“Para siyang sinaniban ng isang masamang espiritu. Kung hindi namin siya naigapos, baka maymas masama pang nangyari.”

“Kung ganoon, sige isama na natin siya.” Tumayo si Romano. “Halina kayo at siguradong gagabihin na tayo.”

Magkakasama silang umakyat ng bundok para puntahan si Didong Daga sa Kadawagan.

May kataasan din ang bundok na kanilang inakyat. At tama ang sapantaha ni Romano na madulas ang daan paakyat dahil sa pag-ulan nitong nagdaaang gabi. Mabuti na lang at sinamahan sila ni Romano. Mas mapapadali ang paghahanap nila sa bahay ni Didong Daga dahil kabisado nito ang lugar. Kung silang tatlo lang, baka inabutan na sila ng sunod na pagsikat ng araw bago pa nila makita ang kanilang pakay.

Bago pa nila marating ang tuktok ng bundok ay umiba na sila ng daan. Lumiko sila sa may gawing kanan at nagsimula silang muli na maglakad. Ngayon ay hindi na paakyat ang kanilang paglalakad kaya naging mas madali na ito para sa kanila.

“Tito Nathan, pagod na po ako…” daing ni Kyte.

“Tiisin mo lang, malapit na tayo,” sagot niya rito.

Nagpatuloy pa sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa isang batis. “Ang dulo ng batis na ito ay isang talon,” pagbibigay impormasyon ni Romano.

Pinasan ni Nathan si Kyte at saka nila maingat na tinawid ang batis na halos hanggang hita ang taas ng tubig, upang makalipat sa kabilang bahagi at mula doon ay nagpatuloy pa ulit sila sa paglalakad hanggang sa matanaw nila ang isang kubo.

“Nakikita ko na ang tinitirhan ni Didong Daga,” sabi ni Romano.

“Sa wakas, nakarating din tayo. Akala ko’y wala nang katapusan ang paglalakad natin,” ani Helen.

Nang marating nila ang kubo ay si Romano na ang tumawag sa taong sadya nila.

“Didong! Didong!”

“Tao po!” Si Helen ay tumawag na rin. “Tao po!!!”

Nakita nilang may sumilip sa bintana. Makalipas ang ilang sandali ay lumabas ito at hinarap sila.

“Anong kailangan n’yo?” tanong ng matandang lalaking may kaliitan at siguro’y edad sisenta na.

“Didong, gusto ka nilang makausap,” pahayag ni Romano.

“Tungkol saan? Gusto ba nilang makarinig ng mga salita ng Diyos?”

“Ah, hindi. May gusto lang sana kaming itanong sa’yo,” sabad ni Helen.

“Kilala mo ba ang rosaryong ito?” Itinaas ni Nathan ang kanang kamay niyang may hawak sa isinumpang rosaryo.

Napako ang tingin ni Didong sa rosaryong hawak ni Nathan.

“Ba’t nasa iyo ’yan?” Tumalim ang tinig ni Didong at naging mailap ang mga mata nito. “Hindi mo dapat hinahawakan ’yan!”

“Didong, may nalalaman ka ba tungkol sa rosaryong ito?” tanong ni Nathan. “Sabihin mo sa amin ang nalalaman mo, tulungan mo kami.”

“Ha?” Natigilan si Didong. Mas lalong naging malikot ang mga mata nito na para bang may gustong iwasan. Tapos ay biglang parang nagbago ito ng pananaw. “W-wala. Wala akong alam tungkol diyan.”

“Pero bakit mo sinabing hindi ko ito dapat hinahawakan? Anong mangyayari sa akin ngayong hinawakan ko na ang rosaryong ito?” Hindi kumbinsido si Nathan sa sinabi ng kausap. Kailangang may mapiga siya rito.

“Wala sabi akong alam!” sigaw nito sa kanila. Sa takot ay nagsumiksik si Kyte sa likuran ng tiyuhin. “Kung ayaw ninyong maniwala, wala akong magagawa. Pero magsilayas na kayo rito dahil wala akong maitutulong sa inyo!”

“Didong, kung may nalalaman ka tulungan mo sila. Huwag mong ipagkait ang anumang tulong na puwede mong ibigay,” mungkahi ni Romano. “Para saan pa na nangangaral ka ng mga salita ng Diyos, kung ang maliit na tulong ay hindi mo maipagkaloob sa kapwa mo?”

“Tulungan mo kami, Didong. Nararamdaman kong may alam ka. Halata sa kilos mo na malaki ang nalalaman mo tungkol sa rosaryong dala namin. Tulungan mo kami,” panghihikayat ni Helen.

“Maawa ka po sa amin, Mang Didong. Mamamatay daw po kami dahil hinawakan namin ang rosaryo. Tulungan mo kami para ’di kami mamatay,” inosenteng pakiusap ni Kyte.

Napako ang tingin ni Didong sa bata. Bigla siyang nakadama ng lungkot at pangungulila. Kasabay nito ay ang panunumbalik ng mga alaala niya tungkol sa mga pangyayari noong siya ay kasing-edad siguro ng batang nasa kanyang harapan na ayaw na niya sanang balikan pa.

Chapter 14

“DIDONG!” Ang pagtawag sa kanya ni Romano ang tila nagpabalik sa kanyang katinuan.

Nilingon niya ito at kinausap, “Ano ang gusto n’yong malaman?” Wala na ang angas sa boses nito. Napalitan na ng tinig ng isang lalaking handang sagutin ang lahat ng kanilang mga katanungan.

Hindi na pinalampas ni Helen ang pagkakataon. “Bakit namamatay ang lahat ng humawak o magmay-ari sa rosaryong dala namin?”

“May sumpa ang rosaryong ’yan,” walang gatol na sagot ni Didong. “Isinumpa ’yan para mabigyan ng katarungan ang isang kalapastanganan!” dagdag pa niya.

“Kalapastanganan kanino? At sino ang dapat magbayad? Dahil sa sumpang ’yan, maraming inosenteng tao ang nadadamay. Marami na ang namamatay,” pagsali ni Nathan sa usapan.

Nagtungo ng ulo si Didong, tapos ay umiling-iling. “Wala akong alam. Hindi ko alam.”

“Sigurado kang wala ka nang alam?” tanong ni Romano. “Nagbuwis din ng buhay ang ama ko nang dahil sa sumpang ’yan. Wala kaming kaalam-alam na may dalang sumpa ang rosaryo nang mapulot niya iyon sa gubat. Pagkalipas ng ilang araw, bigla na lang siyang namatay.”

Patuloy sa pag-iling si Didong. “H-hindi ko alam. Wala akong alam. Umalis na kayo, hanggang doon lang ang alam ko. Wala na akong maitutulong sa inyo.” Tinalikuran na niya ang mga bisita at nagmamadaling pumasok sa loob ng kanyang kubo.

“Didong!” pasigaw na tawag ni Helen.

“Umalis na kayo!!!” narinig nilang sigaw nito mula sa loob ng kubo. “At huwag na kayong babalik!” Bumalik ang dating angas nito.

Bigong nagkatinginan ang tatlo.

“Uuwi na po ba tayo?” tanong ni Kyte. “Paano na po ’yan, Tito Nathan? Hindi niya tayo tinulungan. Mamamatay na po ba tayong tatlo?”

“Hindi, Kyte. Hindi tayo mamamatay,” tiim-bagang na sagot ni Nathan sa kanyang pamangkin.

“Walang mamamatay sa ating tatlo, Kyte. Lalabanan natin ang sino mang demonyong nakapaloob sa sumpa ng rosaryo,” buo ang loob na sabi ni Helen.

“Bumalik na tayo, gagabihin na tayo rito. Mahihirapan tayong bumaba ng bundok kapag inabutan tayo ng dilim,” paalala ni Romano.

Wala nang nagawa sina Nathan at Helen kung hindi sundin ang sinabi ni Romano. Nagsimula na silang maglakad pabalik sa paanan ng bundok. Tahimik ang bawat isa. Walang gustong magsalita. Bawat isa sa kanila ay may kani-kaniyang iniisip. Mabilis na lumilipas ang mga araw. Paano na lang kung sumapit ang ika-labintatlong araw na wala pa rin silang nagagawa para pigilan ang sumpa? Mapipigilan ba nila ang kanilang kamatayan?

Gutom at pagod na pagod silang apat nang makarating sa bahay ni Romano. Nagluto si Romano ng nilagang kamote at inihain niya iyon para maging hapunan nila.

“Dito na kayo magpalipas ng gabi. Puwede ninyong abangan bukas si Didong para muling kausapin. Dito siya dumadaan araw-araw kapag pumupunta siya sa poblasyon,” pahayag ni Romano habang pinagsasaluhan nila ang nilagang kamote. “Huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Habang humihinga pa kayo, may magagawa pa para putulin ang sumpa ng rosaryo.”

“Naalala ko lang iyong sinabi ni Didong, na isinumpa ang rosaryo para bigyang katarungan ang isang kalapastangan. Sino nga kaya ang humihingi ng katarungan?” tanong ni Nathan.

Biglang may naisip si Helen. “Nathan, hindi ba may imahe rin tayong nakikita tungkol sa isang lumang diyaryong naglalaman ng balita tungkol sa isang aksidente sa kotse? Sa tingin ko, may kaugnayan iyon sa sinasabi ni Didong. Posibleng ang mga sakay ng kotseng iyon ay biktima, hindi ng sakuna kundi ng isang pinlanong aksidente. At kung sinadya nga ang aksidenteng iyon, kailangan nga ng katarungan ng mga biktima. Ano sa tingin mo?”

“Tama! Siguradong may koneksyon sa sumpa ang lahat ng mga imaheng lumilitaw sa ating isip. Kailangan lang nating matuklasan kung ano ang kaugnayan ng mga imahe sa sumpa ng rosaryo,” pagsang-ayon ng binata.

“Anong aksidente sa kotse ang sinasabi n’yo?” nagtatakang tanong ni Romano.

“May mga imaheng lumalabas sa isipan namin mula nang mahawakan namin ang rosaryo. May dagang naka-hood na nagbubunganga ng pananampalataya, si Didong Daga nga iyon. Mayroon ding lumang diyaryo na naglalaman ng balita tungkol sa isang aksidente sa kotse, isang tuta na nagbabalanse sa isang beach ball, at isang balon ng malinis na tubig sa gitna ng isang nakapangingilabot na gubat,” pagkukuwento pa ni Helen.

“Naniniwala kami na lahat ng imaheng iyon ay makakatulong sa amin para maputol ang sumpa ng rosaryo. Kailangan lang na matuklasan namin ang kahulugan ng mga ito,” susog pa ni Nathan.

“Mayroon na lang akong apat na araw, Romano. Kailangang magawa namin ang mga dapat gawin. Matuklasan ang mga kailangang tuklasin, para maputol na ang sumpa ng rosaryo at wala nang mapahamak na mga inosenteng tao.” Wala nang bakas ng takot ang mukha ni Helen. Ang tanging naroon na lang ay ang masidhing pagnanais na magkaroon ng magandang resulta ang pagsisikap nilang mapatid ang sumpang dala ng rosaryong kahoy!

“Kung aksidente sa kotse, hindi ’yan dito nangyari dahil wala namang sasakyan dito sa isla. Mahihirapan kayong hanapin ’yan dahil napakalaki ng Pilipinas,” opinyon ni Romano.

“Saan ba dito sa isla malakas ang signal ng cellphone?” tanong ni Nathan. “Puwede tayong magsimulang maghanap sa internet,” suhestiyon pa niya.

“May signal ang cellphone sa poblasyon. Maging sa tabing dagat. Doon madalas na malakas ang signal ng telepono,” sabi ni Romano.

“Iniisip ko lang kung nasa internet nga ba ang balitang iyan. Kung nangyari ’yan nang matagal na panahon na, at hindi naman kilalang mga tao ang sangkot malamang na wala ’yan sa internet,” paniniguro ni Helen.

“Walang mawawala kung susubukan ko.” Si Nathan ang tipong hindi agad sumusuko.

“Tatawagan ko si Cristy bukas,” sabi ni Helen. “Pakikiusapan ko siyang maghanap sa museum sa Burgos. Baka may mga lumang kopya ng diyaryo doon at makita niya ang diyaryong hinahanap natin.”

“Sana ay magkaroon ng magandang resulta ang mga plano natin, Helen.”

“Sabihan n’yo lang ako kung may maitutulong ako sa inyo,” giit naman ni Romano. “Gusto ko ring maputol na ang nakakabit na sumpa sa rosaryo.”

Nginitian ni Helen ang bagong kakilala.

HATINGGABI nang biglang magising si Nathan mula sa mahimbing na pagkakatulog. Bahagya niyang iniangat ang kanyang leeg. Pakiramdam niya ay may sumasakal sa kanya. Tinangka niyang bumangon ngunit hindi niya magawa. Ang tanging kaya niya lang gawin ay labanan ang hindi niya nakikitang puwersa na nagtatangkang putulin ang kanyang hininga!

Sinikap ni Nathan na igalaw ang kanyang mga kamay at paa para makagawa ng ingay o kaluskos upang magising sina Kyte at Helen na katabi niya sa kama pero tila siya ay naparalisa na. Walang lakas ang kanyang katawan upang kumilos lalo na at unti-unti na siyang nangangapos ang hininga.

Halos sumabog na ang kanyang ulo sa tindi ng pagpipigil niyang huwag malagutan ng hininga. Butil-butil na ang pawis sa kanyang mukha. Hindi pa rin niya maikilos ang kahit na anong bahagi ng kanyang katawan.

Chapter 15

BUMUKAS ang pinto ng kuwarto kung saan natutulog sina Helen, Nathan at Kyte. Iniluwa ng pinto si Romano na sumilip upang tingnan kung maayos ang lagay ng kanyang mga bisita.

Aalis na sana siya nang mapansin niyang tuwid na tuwid si Nathan sa pagkakahiga. Nagpasya siyang lapitan ito.

Bahagyang tinapik ni Romano ang binata, nagbabakasakaling may reaksyon ito sa kanyang ginawa.

Nanatiling nakatuwid lang ito sa pagkakahiga.

Nakaramdam si Romano ng panganib. “Nathan, gumising ka! Nathan!”

Sina Helen at Kyte ang nagising.

“Anong nangyari?” naalimpungatang tanong ni Helen.

“Ayaw magising ni Nathan. Naninigas ang kanyang katawan!”

“Tito Nathan! Gumising ka, Tito Nathan. Tito Nathan!” panangis ni Kyte.

Agad na kumilos si Helen. Sinubukan niyang ibangon ang nobyo pero nananatili itong nakapikit at naninigas ang katawan. “Nathan, gumising ka! Diyos ko, anong nangyayari sa kanya?”

“Ihiga mo siya,” utos ni Romano na mabilis naman niyang sinunod.

Nang nakahiga na muli ang binata ay nagtungo si Romano sa paanan nito at ubod-diing kinagat ang hinlalaki nito sa kaliwang paa.

“Aaaahhhhh!” Umigkas ang paa ni Nathan kasabay ang pagmulat ng mga mata nito.

“Nathan!” Dinaluhan ni Helen ang katipan.

“Tito Nathan…” Hindi maawat ang pag-iyak ni Kyte.

Habol ang hininga at pagod na pagod na nakatulala sa kisame si Nathan. Parang sinisikap niyang ibalik ang hiningang nawala kanina habang pilit itong pinuputol ng kung anong elementong hindi naman niya nakikita gayong ramdam niya ang pagsakal nito sa kanyang leeg.

“Nathan… okay ka na ba?” masuyong tanong ni Helen sa kasintahan.

Gumalaw ang mga mata ni Nathan at nilingon ang nobya at saka siya marahang tumango.

“Binangungot ka. Ganyan din ang nangyari sa tatay ko. Bangungot ang ikinamatay niya. Kaya walang mag-iisip na namatay siya dahil sa sumpa sa rosaryong napulot niya,” pahayag ni Romano. “Mabuti na lang at naisipan kong silipin kung maayos kayo rito sa kuwarto. Kung nagkataon, hindi ka na magigising mula sa pagtulog mo, Nathan.”

Dahan-dahang bumangon si Nathan upang maupo sa kama. Sa mukha niya’y bakas pa rin ang pagkabalisa sa naging karanasan niya kani-kanina lang. “Maraming salamat, Romano.”

“Wala ’yon. Magpahinga na kayo. Mahaba pa ang gabi. Kailangan n’yo ng lakas para sa mga bagay na kakaharapin n’yo pa sa mga susunod na araw. Matutulog na rin ako.” Naglakad na siya papalabas ng silid.

“Tito Nathan, matulog ka na po. Babantayan kita. Hindi na lang ako matutulog.”

Kinabig ni Nathan ang pamangkin at niyakap. “Ikaw ang matulog. Ako ang dapat na nagbabantay sa’yo.” Sinulyapan niya si Helen. “Ikaw rin, matulog ka na ulit.”

“Napapansin mo ba, Nathan? Parang iniisa-isa tayong sinusubukang patayin? Noong isang gabi si Kyte. Ngayon naman, ikaw. Ako na ba bukas? Masuwerte lang na nagagawan natin ng paraan na takasan ang kamatayang dala ng sumpa. Pero paano kung hindi? Wala na ba talaga tayong magagawa kundi tanggapin ang kamatayan?”

“Helen, walang mamamatay sa ating tatlo. Tayo ang puputol sa sumpa ng rosaryo. Pipigilan natin kahit ang pinakamasamang demonyo para hindi niya makuha ang mga kaluluwa natin,” diin niya. “Kahit paano naman ay lumilinaw na ang puzzle na binubuo natin. Kailangan lang nating maghabol ng oras dahil baka kulangin tayo at maubusan ng panahon.”

Tumango si Helen tanda ng pagsang-ayon. “Sana’y sapat ang panahong meron pa tayo ngayon. Sana ay mahawi natin ang palaisipang nakatago sa mga imahe at tuluyan na nating magawan ng paraan na maputol na ang sumpa ng kamatayan sa sinumang hahawak o magmamay-ari sa rosaryong kahoy na ’yan.”

MAALIWALAS ang panahon kinaumagahan. Ang sikat ng araw ay matingkad. Ito ang ikasampung araw mula nang mapunta kay Helen ang rosaryo, at ika-limang araw naman para kina Nathan at Kyte. Suwerte na sigurong maituturing na buhay pa sila hanggang ngayon sa kabila ng mga palatandaan ng sumpa na nakadikit na sa kanilang mga balat, idagdag pa ang mga kakatwang karanasang nangyayari sa kanila sa tuwing sasapit ang gabi.

Maaga silang nagpaalam kay Romano para umuwi sa inuupahan nilang bahay.

“Maga-iingat kayo,” bilin nito sa kanila. “Kapag kailangan n’yo ang tulong ko, pauwede kayong bumalik rito anumang oras. Hindi ko na kayo maihatid sa poblasyon dahil mangunguha pa ako ng mga gulay na kailangan kong dalhin sa poblasyon mamaya.”

“Napakalaki na ng naitulong mo sa amin, Romano. Maraming salamat.” Kinamayan nina Nathan at Helen ang lalaki at saka nila inumpisahan ang paglalakad pabalik sa nirerentahan nilang bahay ng kapatid ni Iskang isda.

Habang naglalakad ay hawak ni Helen ang kanyang cellphone. Four percent na lang nag natitirang baterya nito. Sana naman ay makahanap na siya ng signal bago tuluyang maubos ang baterya ng telepono niya. Kailangang makausap niya ngayong araw si Cristy para humingi rito ng tulong.

“May battery pa ba ang cellphone mo?” tanong niya kay Nathan.

“Wala na. Drained na,” sagot nito.

Napabuntong-hininga na lang siya. Wala naman siyang magagawa. Nasa isang sitwasyon sila na hindi nila hawak ang oras, kapalaran, maging ang buhay nila. Ang tangi nilang magagawa ay mag-isip ng tama at kumilos nang mas mabilis.

“Nathan, may nadaanan tayo noong isang gabi na lugar na nagkaroon ng signal ang cellphone mo, ’di ba? Saan nga ’yon?”

“Nalagpasan na yata natin. Doon iyon sa kung saan natin nakasalubong si Didong Daga.”

“Hindi bale, doon na lang sa tabing dagat ako hahanap ng signal. Sana lang hindi agad mag-battery empty itong phone ko.”

Pagdaan nila sa poblasyon ay namalengke muna sila para may mailuto pag-uwi nila ng bahay. Pagdating nila sa bahay ay nakita nilang sarado ang bahay ni Iskang Isda. Wala yatang tao?

“Aling Iska! Aling Iska!” Tumawag si Helen para kumustahin sana ang kanilang kasera. Mula noong hindi nila ito makita sa salas nang gabing namilipit si Kyte sa sakit ng tiyan ay hindi na nila ulit nakita ito. Nakokonsensya tuloy siya na dahil sa kanila ay may ibang taong nadadamay. “Tao po! Tao po, Aling Iska!”

“Wala yatang tao,” sabi ni Nathan. “Ayan o, saradong-sarado ang pinto at mga bintana.”

“Oo nga. Baka nakaalis na siya para magtinda ng isda. Kukumustahin ko lang sana kasi.”

“Mamaya na lang, pagbalik niya. Halika na at nang makapagpalit ng damit. Kahapon pa itong mga suot natin.”

“Sige na, mauna na kayo. Sasaglit lang ako sa tabing dagat para makahanap ng signal habang may baterya pa ang cellphone ko. Malapit lang naman tayo sa dagat. Babalik ako kaagad.”

“Mag-iingat ka!” bilin niya sa nobya.

Binilisan ni Helen ang paglalakad papunta ng tabing-dagat. Nakita pa niya ang ang mga taong papasakay sa bangka upang pumunta naman sa Burgos.

Agad namang nagkaroon ng signal ang kanyang cellphone pero hindi ganoon kalakas. Bahagya siyang naglakad sa tabing-dagat upang humanap ng mas malakas na signal. Two percent na lang ang baterya ng telepono niya.

Nag-dial siya para kontakin si Cristy. Ilang sandali lang at naririnig na niya ang tunog ng telepono nito. Naghintay siyang sagutin ni Cristy ang tawag niya.

Halos mahulog ang puso niya sa tuwa nang marinig niya ang boses ng dalaga sa kabilang linya.

“Cristy, si Helen ito. Hihingi sana ako ng pabor sa’yo.”

Pinakinggan niya ang sagot ng kausap.

“Oo, tungkol sa isinumpang rosaryo. May nakikita kasi kaming imahe ng lumang diyaryo na may balita tungkol sa isang aksidente sa kotse. Nandito kami ngayon sa Isla Maranlig. Puwede ka bang pumunta sa museum diyan sa Burgos at hanapin kung may kopya sila ng isang lumang diyaryong naglalaman ng balita tungkol sa isang car accident? Susubukan din naming mag-google dito, ang hirap lang kasing humanap ng signal.”

Pinakinggan niyang muli ang sagot ng kausap.

“Subukan mo lang, mga year 1940 to 1980. Kung wala e ’di okay lang. Wala naman tayong magagawa. Pero mabuti nang sinubukan pa rin natin. Pasensya na sa abala, ha? Ikaw lang ang alam kong puwedeng makatulong sa amin—”

Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil tuluyan nang nawalan ng baterya ang kanyang cellphone.

Chapter 16

PABALIK na sana siya sa tinutuluyan nilang bahay nang matawag ang pansin niya sa isang batang tumatakbo habang bitbit ang isang beach ball. Pero ang mas nakakuha ng kanyang atensyon ay ang tutang aspin na humahabol sa bata. Mukhang naglalaro ang mga ito at nakatuwaan ng bata na magpahabol sa tuta. At ngayon nga ay malayo na ito sa kanyang paningin.

“Tita Helen!”

Nilingon niya ang tumawag. Nakita niyang tumatakbo papalapit sa kanya si Kyte kasunod naman nito si Nathan.

“O, ba’t nagpunta pa kayo rito, eh, pauwi na rin naman ako?”

“Nami-miss ka na raw ni Tito Nathan, eh,” nakangiting sagot ng bata na nagpangiti rin sa kanya. Si Nathan naman ay sumasakay lang sa biro ng kanyang pamangkin.

“Kailangan pala nating bumili ng bumbilya. Nabasag na nga pala noong nakaraang gabi ’yong mga bumbilya sa bahay,” sabi ni Nathan.

“Bibili na lang ako mamaya sa poblasyon,” sabi ni Helen. “Halika na, uwi na tayo!” Inakbayan niya si Kyte. Pero bago tuluyang umalis ay muli niyang nilingon ang batang may dalang beach ball kanina ngunit hindi na niya ito matanaw. Hindi naman siguro iyong tutang humahabol sa bata ang tuta sa kanilang mga pangitain.

ANG batang tumatakbo habang bitbit ang isang beach ball at hinahabol ng isang tuta ay nakarating na sa isang cottage na nasa isang bahagi rin ng tabing dagat.

Sinalubong siya ng isang lalaki, si Danny. “Saan ka galing, Bea? Kanina pa kayo hinihintay ni Master Jaime.”

“Daddy, naglaro lang po kami ng habulan ni Chichi,” sabi ng limang taong gulang na bata na ang tinutukoy ay ang alaga niyang tuta.

“Halika na sa loob, para makapag-train na si Chichi.” Dinampot ng lalaki ang tuta at hinawakan sa isang braso ang kanyang anak at saka sila pumasok sa loob ng bahay na nakatayo malapit lang din sa tabing dagat.

“Hello, Bea!” bati sa kanya ng lalaking naghihintay sa salas ng kanilang bahay. “Gumala na naman kayo ni Chichi, ah.”

“Naghabulan lang po kabi diyan sa paligid, Master Jaime,” nakangiting sagot ni Bea. “Magsisimula na po ba kayo ni Chichi?”

“Oo, kasi para makauwi ako kaagad. Marami pa kasi akong gagawin sa bahay.” Hinawakan pa niya sa ulo si Bea at bahagyang ginulo ang buhok nito.

Ibinaba ni Danny sa sahig si Chichi. Kumawag-kawag ang buntot ng tuta.

“Sit, Chichi! Sit!” utos ni Master Jaime sa tuta na tila maamong tupa namang sumunod. “Good boy! Hindi mo pa rin nakalimutan ang itinuro ko sa’yo noong nakaraan. “Doon na lang kami sa labas para mas malaki ang espasyo,” paalam niya kay Danny na tumango lang sa kanya. “Come here, Chichi!” Agad namang sumunod sa kanya ang tuta papalabas ng bahay. Sumunod din si Bea para panoorin ang dalawa.

Nang simulan na ni Master Jaime ang pagtuturo ng iba’t-ibang tricks sa tuta ay aliw na aliw si Bea at namamangha sa tuwing makikita niyang napapasunod ni Master Jaime ang tuta sa mga ipinapagawa nito.

KATATAPOS lang mananghalian nina Helen, Nathan at Kyte. Kanina bago sila kumain ay sinilip muli ni Helen ang bahay ni Iskang Isda dahil balak sana niyang bigyan ito ng niluto niyang tinolang manok, pero sarado pa rin ito. Ibig sabihin, hindi pa rin umuuwi ang kanilang kasera.

“Bumalik tayo sa tabing-dagat mamaya para makasagap ng signal ng cellphone,” sabi ni Nathan. “Maghanap rin tayo sa internet ng balita tungkol doon sa aksidente sa kotse. Mahirap lang kasi hindi naman natin alam kung anong taon nangyari at kung saan, pero mabuti na rin ’yon kaysa tumunganga lang tayo at maghintay sa sundo ng kamatayan.”

“Si Didong Daga, kailangang pilitin natin siyang magsalita,” deklara ni Helen. “Alam ko, marami pa siyang alam. Ayaw lang niyang sabihin, pero nararamdaman kong may itinatago siya.”

“Oo, gagawin natin ’yan.”

“Pupunta ako sa poblasyon mamaya, aabangan ko siya roon. Magtatanong-taong na rin ako sa mga tao roon kung may nabalitaan silang aksidente sa kotse na nangyari matagal na panahon na ang nakalipas. Ikaw naman, doon ka sa tabing-dagat para mag-search sa internet. Isama mo si Kyte.”

Tumango ang lalaki.

“Pahiram nga muna ako ng rosaryo,” biglang sabi niya sa nobyo.

“Anong gagawin mo?”

“Ako na lang muna ang magtatago…”

Dinukot ni Nathan sa bulsa niya ang rosaryo at iniabot kay Helen.

Nagpahinga lang sila sandali at pagkatapos ay nagtungo na sila sa mga pupuntahan nila. Magkasamang nagpunta sa tabing-dagat sina Nathan at Kyte, samantalang si Helen naman ay naglakad na patungong poblasyon.

Pinuntahan ni Helen ang lugar sa talipapa kung saan nila unang nakita si Didong Daga na nangangaral ng salita ng Diyos. Sa malas ay wala roon ang lalaki. Kailangan bang puntahan niya ulit ito sa bahay nito sa Kadawagan?

Nagpasya siyang magtanong-tanong sa mga taong naroon.

Nilapitan niya ang isang babeng nagtitinda ng mga gulay. “Ale, hindi po ba dumating si Didong Daga?”

“Ba’t hinahanap mo si Didong Daga? Kahapon pa ’yon hindi nagagawi rito.”

“Dito po ba siya palaging pumupuwesto para mangaral? O baka naman may iba pang lugar kung saan siya nangangaral?”

Saglit na nag-isip ang babaeng kausap niya. “Madalas dito lang siya pumupunta. Pero dati, nakita ko siya sa banda roon sa dulo nitong talipapa. Tingnan mo, baka naroon siya.”

“Maraming salamat.” Nginitian niya ang kausap at saka naglakad patungo sa sinabing direksyon ng babae.

Nang marating niya ang dulo ng talipapa ay iginala niya ang kanyang paningin. Mukhang wala rin dito si Didong Daga. Nakadama siya ng panlulumo. Habang natatagalan silang makuha ang mga kailangan nilang impormasyon, ay mas lumalapit sila sa hukay ng kamatayang gawa ng isinumpang rosaryo.

Paano pa ba nila mapipigilan ang sumpa kung ganitong wala silang mahanap na susi para mabuksan ang lihim ng sumpa?

Saan ba nila hahagilapin ang mga tamang tao na makapagbibigay ng buong kuwento kung paano at bakit nagkaroon ng sumpa ang rosaryong iyon?

Aalis na sana si Helen sa lugar na iyon nang makuha ang atensyon niya ng isang lalaking nakatalikod at kumakain sa isang karinderya. Ang buhok nito ay katulad ng sa buhok ni Didong Daga. At katulad ng dati ay may hood ang suot nitong damit.

Nilapitan niya ang lalaki.

“Didong Daga…”

Lumingon ito at nagitla nang makita siya. “Ikaw na naman! Ano na naman ang kailangan mo?”

“Alam mo ang kailangan ko. Kailangan ko ang tulong mo,” malumanay niyang sagot. Alam niyang hindi niya makukuha sa galit ang lalaking ito. Kahit ang pagkapulis niya ay hindi niya puwedeng gamitin dito dahil wala naman itong nilalabag na batas. Pero gagamitin pa rin niya iyon kung kinakailangan.

“Hindi mo ba nakikitang kumakain ako?” malakas ang boses na sabi nito at nakatawag atensyon na sa ibang mga tao roon. Parang sinasadya nitong marining ng iba pa ang kanilang usapan.

“Pasensya na pero hindi ako aalis dito hanggang hindi ka pumapayag na tulungan ako. Sasabihin mo sa akin lahat ng nalalaman mo tungkol sa rosaryo.”

Nagsimulang maglapitan sa kanila ang mga taong nakarinig sa kanilang pagtatalo. Napilitan si Helen na ilabas ang kanyang tsapa at ipinakita ito sa mga naroroon. “Police Investigator Helen Domingo! Huwag kayong makikialam kung ayaw ninyong madamay sa kaso ng lalaking ito!”

Napahinto ang mga nag-uusyoso. Ang iba’y lumayo na at nakuntento na lang na manood mula sa malayo.

Dinakma ni Helen sa kuwelyo si Didong Daga. “Isang tanong, isang sagot. Tutulungan mo ako o hindi?”

“Kahit magmakaawa ka, wala akong maitutulong sa’yo dahil wala akong alam!” nagmamatigas nitong sabi.

Dinukot niya sa bulsa ang rosaryo at ipinakita sa lalaki. “Puwes, isuot mo na lang ang rosaryong ito at maghintay ka sa kamatayan mo.”

“Huwaaaggg!”

Chapter 17

BINALOT ng takot ang mukha ni Didong Daga.

“Huwag mong ilapit sa akin ’yan! Ayokong hawakan ’yan! Ilayo mo sa akin ’yan!” nanginginig nitong sigaw.

“Madali akong kausap, Didong Daga. Tutulungan mo ako o pareho tayong mamamatay. Mamili ka.” Mahina pero may diin ang bawat salitang binitiwan niya.

“Oo, magsasalita na ako. Magsasalita na ako! Alisin mo na sa harap ko ang rosaryong ’yan.” Kita ni Helen na totoo ang nararamdamang takot nito. Ibig sabihin, alam talaga nito ang panganib na dala ng rosaryo.

Ibinalik niya sa bulsa ang rosaryo pero hindi niya inaalis ang pagkakahawak sa kuwelyo ni Didong Daga. Mas matangkad siya rito kaya hindi siya nahirapang hilahin ito papunta sa isang sulok para kausapin.

“Marunong akong gumalang sa matanda pero pasensyahan muna tayo. Ngayon, sabihin mo lahat ng nalalaman mo. Sino ang naglagay ng sumpa sa rosaryo at bakit?”

“Eh— si…”

“Ma’am Helen!”

Napatingin siya sa pinagmulan ng tinig. Nakita niya si Carlos, sakay ng motorsiklo nito. Iyon ang sinamantala ni Didong Daga. Malakas niyang itinulak si Helen at saka tumakbo nang mabilis. Pumasok siya sa malilit na pasilyo sa paligid ng talipapa at agad na nawala sa paningin ni Helen.

Hindi na siya nagawang habulin ng imbestigador.

“Carlos, bakit?”

“Nakita kasi kita rito. Akala ko napagtripan ka ni Didong Daga kaya lumapit ako. May problema ba?”

“Si Didong Daga. Siya ang susi sa lihim ng isinumpang rosaryo.”

“Ha? Paanong—?”

“Alam niya kung paanong nagkaroon ng sumpa ang rosaryo at ang dahilan ng paglalagay ng sumpa rito. Magsasalita na siya kanina nang tawagin mo ako kaya nagkaroon siya ng pagkakataong takasan ako. Dahil ayaw na ayaw niya talagang magsalita. Tinakot ko lang siya. Kaso, natakasan na naman niya ako.”

Nanlumo si Carlos. “Sorry, kasalanan ko pala. Hindi ko alam, pasensya na,” paghingi niya ng paumanhin.

“Hindi bale. Hindi naman basta makakaalis ng isla si Didong Daga. Pupuntahan ko na lang siya ulit sa bahay niya.”

“Kung may maitutulong ako, sabihan mo ako. Hayaan mo, kapag nakita ko siya rito bukas, aanyayahan ko siya sa kampo. Para doon kayo mag-usap.”

Matipid na ngiti ang isinagot niya sa sundalo. “Saan pala ang punta mo?” tanong niya rito.

“Pauwi na. Doon lang kami nakatira, malapit lang dito.” Itinuro pa ni Carlos ang direksyon patungo sa bahay nila.

“Ahh,” sabi niya sabay tumango-tango. “Sige, may bibilhin lang ako, tapos babalik na rin ako sa tinutuluyan namin. Baka hinihintay na ako ng mga kasama ko.”

“Ingat…”

Tumango siya at iniwan na ang kausap.

Nagtungo siya sa isang tindahan upang bumili ng bumbilya ngunit wala siyang nabili.

“Saan pa kaya ako puwedeng bumili?” tanong niya sa tindera.

“Dito sa katabing tindahan, kaso sarado na sila. Balik ka na lang bukas,” suhestiyon ng tindera.

Walang nagawa si Helen kundi ang umuwi na lang. Ganito ba talaga kahirap ang pamumuhay sa lugar na ito?

Pagdating niya sa nirerentahang bahay ay napansin niyang sarado pa rin ang bahay ni Iskang Isda. Ano bang nangyari sa matandang iyon at hindi na niya nakikita?

Dumiretso na siya sa tinutuluyan nila. Kumatok siya sa pinto at nang bumukas iyon ay nakita niya si Kyte.

“Asan ang Tito Nathan mo?”

“Nasa kuwarto po.”

Ni-lock niya ang pinto at sabay silang pumasok ni Kyte sa silid.

“O, anong nangyari sa lakad mo?” salubong na tanong ni Nathan.

“Wala akong nabiling bumbilya. Anong gagamitin nating ilaw?”

“May nakita akong gasera sa kabinet, pagtiyagaan na lang muna natin iyon. Sa gabi lang naman tayo nag-iilaw,” sagot ng lalaki. “Nakausap mo ba si Didong Daga?”

“Muntik na, kaso natakasan ako. Nalingat kasi ako noong biglang dumating si Carlos at tinawag ako.”

“Carlos? Iyong sundalo?”

“Oo. Kaya babalikan ko ang bahay ng Didong na ’yan bukas na bukas din. Kumpirmadong may alam siya sa pinagmulan ng sumpa sa rosaryo. At alam ko na kung paano siya pagsasalitain, sa ayaw niya o sa gusto.”

“Paano?”

Dinukot niya ang rosaryo sa bulsa. “Eto, takot na takot rin siyang hawakan ang rosaryong ito. Ibig sabihin, alam niyang pati siya ay mamamatay rin sa oras na mahawakan niya ito.”

“Paano kung magtago na siya at hindi na natin malapitan? Malawak ang Kadawagan. Puwede siyang magtago sa ibang bahagi ng gubat,” sabi ni Nathan.

“Bahala na. Gagawa tayo ng paraan na makalapit muli sa kanya,” buo ang loob na sabi niya. “Ano nga pala ang resulta ng pagse-search mo sa internet? May nakita ka ba?”

Umiling si Nathan. “Wala. Mukhang mahihirapan tayo sa isang ’to. Saang lupalop ng mundo natin mahahanap ang kopya ng diyaryong ’yon? Malaki sana ang maitutulong sa atin kung malalaman natin kahit mga pangalan lang ng mga taong kasama sa aksidenteng iyon,” malungkot ang boses na sabi niya.

“Sana, may mahanap si Cristy sa museum. Iyon na lang ang pag-asa natin. At saka si Didong Daga. Maaaring alam din niya ang tungkol sa aksidenteng ’yon. Kaya kailangan talagang mapuntahan natin siya at mapaamin.”

NANG gabing iyon ay hindi mapalagay si Helen. Bakit ba iba ang pakiramdam niya? Para siyang kinakabahan na hindi niya mawari. Kahit ngayong nakahiga na siya sa kama katabi sina Kyte at Nathan ay hindi pa rin siya mapanatag.

Nilingon niya ang dalawang katabi. Sa pamamagitan ng konting liwanag na nagmumula sa nakasabit na gasera ay nakita niya nang malinaw sina Kyte at Nathan. Mukhang malalim na ang tulog ng mga ito, pero siya ay dilat na dilat pa.

Kinuha niya ang cellphone niyang nasa ilalim ng kama para tingnan ang oras.

Ala-una na. Ilang oras na lang at sisikat na ang araw. Ayaw pa rin talaga siyang dalawin ng antok.

Bigla siyang nakarinig ng mahihinang katok sa pinto. Napaisip siya. Sino ang kakatok sa pintuan nila sa ganitong oras?

Bumangon siya dala ang kanyang cellphone para gamiting flashlight at nagtungo sa salas para sinuhin ang dumating.

“Sino ’yan?”

“Helen, si Iska ito…” Narinig niya ang mahinang sagot ng tao sa labas ng pinto.

Binuksan niya ang pinto at nakita niya si Iska. Malalim ang mga mata nito na parang wala pang tulog. Pero ang ipinagtataka niya ay ang suot nito. Ito rin ang suot ng babae noong gabing pinasok ng masamang elemento ang katawan ni Kyte.

“Aling Iska, ba’t napasugod kayo? Saan ka galing?”

Hindi sumagot ang babae kundi tinitigan lang siya nang matiim. Bumalasik ang anyo nito dahil sa mga matang biglang nanlisik at tila nag-aapoy.

“Aling Iska, anong nangyayari sa’yo? Bakit—?” Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil dumapo sa mukha niya ang malakas na sampal mula kay Iska. Sobrang lakas ng pagkakasampal sa kanya kaya tumilapon siya at napaupo sa sahig. Humagis din sa isang bahagi ng bahay ang telepono.

Dahan-dahang lumapit sa kanya si Iska.

“Aling Iska, bakit? Anong nangyayari sa’yo?” sigaw niya sa pagkahilakbot.

Tatayo na sana siya ngunit mabilis siyang nadaklot ni Iska sa isang braso at pinilipit ito nang buong lakas.

“Aaaahhhh!!!” Napasigaw siya sa matinding sakit. Sigaw na gumising kina Nathan at Kyte.

“Helen?!” Bumalikwas siya ng bangon at mabilis na lumabas sa salas. Sumunod sa kanya si Kyte. Kitang-kita nilang namimilipit sa sakit si Helen habang hawak-hawak ni Iska ang isang braso nito.

Dinaluhong niya ang dalawa para umawat pero inihagis sa kanya ni Iska si Helen.

Kapwa sila bumagsak sa sahig. Nadaganan siya ni Helen. Nilukob ng takot ang buong pagkatao ni Kyte sa nakitang pangyayari.

Bago pa sila makabangon ay heto na si Iska at papalapit na sa kanilang dalawa!

Dinampot ni Iska ang isang upuan na gawa sa kawayan at akmang ibabagsak sa magkasintahan.

Mabilis na umigkas ang isang paa ni Helen at sinipa ang babaeng tila nasapian ng masamang espiritu.

Nawalan ng panimbang si Iska at bumagsak. Ang hawak nitong upuang kawayan ay sa ibang direksyon tumilapon.

Bumangon na sina Helen at Nathan, pero mabilis ding nakatayo si Iska at iniharang ang katawan sa pinto.

“Hindi na kayo makakatakas pa! Mamamatay kayong lahat ngayong gabi!!!” sigaw ng matabang babae na ang boses ay bahaw at parang nanggagaling sa malalim na balon. Parang ganito rin ang boses ni Kyte noong gabing sinaniban rin ito ng masamang elemento.

Napaurong sina Nathan at Helen.

“Tito Nathan, dito kayo!” sigaw ni Kyte.

Takbo papasok sa loob ng kuwarto ang dalawa. Ni-lock nila ang pinto gamit ang bisagrang nakakabit dito. Saglit silang natahimik. Pinakiramdaman nila ang paligid. Bakit tila wala na sa salas si Iska?

Bubuksan sana ni Nathan ang pinto para sumilip pero pinigilan siya ni Helen. “Huwag! Baka tumitiyempo lang siya.”

Hindi nila inaasahan nang biglang kumalabog ang pinto na para bang binabangga ng katawan. Ginamit nina Helen at Nathan ang sariling mga katawan para pigilan ang pagbukas ng pinto. Ramdam nila ang kakaibang lakas ni Iska na walang tigil sa ginagawa nitong pagbangga ng katawan sa pinto. Ilang pagbangga pa at tuluyang bumigay ang bisagra ng pinto. Hindi na rin kinaya ng pinagsamang lakas nina Helen at Nathan ang mala-demonyong puwersa ni Iska.

Nasukol na silang tatlo. Wala na silang tatakbuhan. Ngayon, kailangan na nilang harapin ang babaeng sinaniban ng masamang espiritu!

Chapter 18

NAGSUMIKSIK si Kyte sa likuran ni Nathan dala ng matinding takot.

Patuloy sa paglapit sa kanila si Iska. Ang nanlilisik nitong mga mata ay nagbabadya ng isanlibo’t isang panganib.

Habang papalapit ang kasera nilang nilukuban ng masamang espiritu ay patuloy naman sila sa pag-atras, hanggang sa mapunta na sila sa sulok at wala ng lugar para umurong pa.

Itinaas ni Iska ang kanyang kanang kamay para daklutin ang sino man kina Helen at Nathan. Pero inunahan na siya ni Nathan nang dakmain nito ang nakataas niyang kamay at hilahin nang ubod-lakas.

Nagpang-abot silang dalawa. Walang gustong magpatalo. Bawat isa ay gustong gapiin ang isa pa.

Napatakbo si Kyte sa ibabaw ng kama. Hindi niya malaman ang gagawin. “Tito Nathan!”

Si Helen ay hindi rin malaman kung paano tutulungan ang kasintahan. Gusto niyang kunin ang baril niya pero naroon iyon sa bag niyang nasa may paanan ni Iska. At magagawa ba niyang barilin si Iska gayong alam niyang may espiritung sumanib lang sa katawan nito kaya ito nagkaganoon?

Napasigaw siya nang makita niyang binuhat ni Iska si Nathan at inihagis sa bintana.

Kahit sarado ang bintana ay nabuksan iyon dahil sa lakas ng pagkakabalibag kay Nathan at bumagsak ito sa lupa sa labas ng bahay.

Masama ang naging pagbagsak ni Nathan kaya nanatili siyang nakahiga at hindi makakilos.

“Nathan!” Napatakbo si Helen sa may gawing bintana para sana silipin ang nobyo pero heto na si Iska at papalapit na sa kanya.

“Mamamatay kayong lahat! Walang puwedeng makaligtas!” Humalakhak si Iska tanda ng kanyang tagumpay.

“Kyte! Kunin mo ang holy water, nasa bag ng Tito Nathan mo!” utos ni Helen sa bata.

Nilingon ni Iska si Kyte na hindi nakakilos sa ibabaw ng kama nang makitang nakatingin sa kanya ang babaeng sinapian ng masamang espiritu.

“T-tita Helen…” Mas lalo pa siyang kinabahan nang lumakad si Iska papalapit sa kanya.

“Kyte!”

“Tita Helen, tulong!” umiiyak na sigaw nito.

Bago pa tuluyang makalapit si Iska kay Kyte ay niyakap ni Helen ang babae mula sa likod at saka pinagsalikop niya ang kanyang dalawang kamay nang mahigpit na mahigpit.

Hindi inaasahan ni Helen nang pumadyak nang malakas si Iska sabay talon kaya nadala siya nito at sabay silang natumba sa sahig.

Natanggal ang pagkakayapos ni Helen kay Iska kaya mabilis itong kumilos at sinakal nang mahigpit si Helen.

Ramdam ni Helen ang bigat ng kamay ni Iska, maging ang higpit ng pagkakasakal nito sa kanya. Nakipaglaban siya sa matabang babae. Pinilit niyang alisin ang kamay nitong sumasakal sa leeg niya. Hindi niya namalayang nakalabas na sa bulsa niya ang rosaryo.

“Tita Helen!” sigaw ni Kyte.

“K-k-yte— ’yung h-holy w—water…” Nangangapos na ang kanyang hininga.

Mabilis na hinalungkat ni Kyte ang bag ng tiyuhin at hinanap ang botelyang may holy water.

Nang makita ang hinahanap ay tinanggal niya ang takip ng bote at humarap kay Iska na sakal-sakal pa rin ang nakahigang si Helen na halos mapugto na ang hininga.

“Bitiwan mo ang Tita Helen ko!” nagtatapang-tapangang sigaw ni Kyte sabay saboy kay Iska ng holy water.

Ilang patak ng benditadong tubig ang pumatak sa likod ni Iska at agad na umusok ang bahaging nabasa.

Bahagya ring umungol si Iska tanda na nasaktan ito sa ginawa ni Kyte.

Binitiwan nito si Helen at hinarap ang pabibong bata na nanakit sa kanya.

Habol ang hiningang sumagap ng hangin si Helen. Sunod-sunod ang pagtaas-baba ng kanyang dibdib. Hinang-hina siya sa ginawang pagsakal sa kanya ni Iska.

“Pakialamero ka, bata!” sigaw ni Iska kay Kyte.

Nawala ang ipinapakitang tapang ng bata. Paano siya tatapang ngayong siya na ang napagbalingan ng babaeng sinapian ng masamang espiritu?

Akmang sasabuyan muli ni Kyte ng holy water si Iska pero naunahan siya nito nang tabigin ng babae ang kamay niyang may hawak ng botelya. Bumagsak sa sahig ang botelya na bagama’t hindi naman nabasag pero tumapon sa sahig ang laman nitong benditadong tubig. Wala na siyang panlaban kay Iska. Wala na siyang panlaban sa demonyo!

“Aaahhhhh!!!” Pumuno sa loob ng silid ang malakas na sigaw ni Kyte na tila ba ito ang gugupo sa malakas na puwersa ni Iska.

“K-kyte…” Sinikap niyang tumayo para tulungan ang pamangkin ng kanyang nobyo. Sa pagtayo niya ay nahulog sa sahig ang rosaryo.

Yumuko si Helen para pulutin ito.

“Tita Helen!!! Tulungan mo ako!”

Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Kyte na buhat ni Iska at akmang ihahagis din katulad ng ginawa nito kay Nathan.

“Huwaaag!!!” sigaw niya para pigilan ang matabang babae.

Malutong na halakhak ang isinagot sa kanya ni Iskang Isda at saka ito humanda para ihagis si Kyte.

Hawak ang rosaryo ay sinugod ni Helen ng suntok ang matabang babaeng sinapian ng masamang espiritu. Hindi niya sigurado kung masasaktan ito sa suntok niya, pero mabuti nang may gawin siya kahit paano para pigilan ito kaysa hayaan niyang saktan nito si Kyte.

Ininda ni Iska ang malakas na suntok ni Helen sa kanyang sikmura. Nabitiwan nito si Kyte na bumagsak sa kama. Nakita niyang muling susugod si Helen kaya sinalubong niya ang suntok nito. Nahawakan niya ang kamay nitong may hawak na rosaryo at nagkahilahan silang dalawa kaya hindi inaasahang napatid ang rosaryong pinag-aagawan nila.

Bumagsak at gumulong sa sahig ang ilang butil ng rosaryo na natanggal sa napatid nitong maliliit kadenang alambre. Kasunod nito ay parang kandilang naupos si Iska. Dahan-dahan itong napaluhod hanggang sa tuluyang bumulagta sa sahig. Walang malay!

Lalapitan sana ni Helen si Iska pero biglang may maitim na usok na lumabas sa bibig at mga mata nito.

Ang usok ay ilang saglit ding nagpaikot-ikot sa loob ng silid hanggang sa lumabas ito sa bintana at tuluyan nang nawala.

“Kyte!” Sinugod niya ang bata at niyakap. Bakas pa rin sa mukha nito ang matinding takot.

“Tita Helen, si Tito Nathan!” umiiyak nitong sabi.

“Halika, puntahan natin siya!” Patakbo silang lumabas ng bahay para puntahan si Nathan sa lugar na pinagbagsakan nito nang ihagis ni Iska kanina.

Natagpuan nila ang binata na walang malay.

Dinaluhan nila si Nathan.

“Nathan!”

“Tito Nathan, gumising ka na. Niyugyog ni Kyte ang kanyang amain para gisingin ito.

Ilang saglit ang lumipas bago pa nagkamalay si Nathan. “A-aray…” Dinama nito ang ulo. “Masakit…”

“Kumapit ka sa akin, itatayo kita.”

Inalalayan niya ang nobyo hanggang makapasok sila sa loob ng bahay.

“Maupo ka muna…” Makita niya ang natuyong dugo sa may ulo nito. “May sugat ka.”

“Okay lang ako, wala ito,” sabi ni Nathan. “Nasaan na si Iska? Anong nangyari?”

“Oo nga pala, naroon siya sa kuwarto. Iniwan namin siyang walang malay. Diyan ka lang, pupuntahan ko siya.”

“Sasama na ako,” untag ni Nathan.

Pumasok silang tatlo sa loob ng silid. Naroon pa rin si Iska at wala pa ring malay. Pero ang nagpabalik ng takot sa dibdib ni Helen ay nang makita niyang buo na naman ang napatid na rosaryo!

Chapter 19

NAPANSIN ni Nathan na titig na titig si Helen sa rosaryo.

“Helen, bakit?” tanong niya rito.

Dinampot ni Helen ang rosaryo. “Bakit buo ’to?”

“Ha?”

“Napatid na ito kanina dahil naghilahan kami ni Aling Iska. Gumulong pa nga sa sahig ang ilang butil na nahulog. Bakit buo na ulit?” Hindi maubos ang kanyang pagtataka.

“Ba’t ka pa nagtataka? Alam mo namang may sa maligno ang rosaryong ’yan. Hindi ba iniwan na rin natin ’yan kay Father Jude, pero biglang napunta sa bulsa ni Kyte? May sa demonyo talaga ang rosaryong ’yan. Kaya nga tayo naririto ngayon dahil mamamatay tayo ’pag hindi natin naputol ang sumpang inilagay diyan.”

“Tito Nathan, umalis na tayo rito. Lagi na lang may nangyayaring masama sa atin dito. Bumalik na tayo sa bahay natin,” samo ni Kyte sa tiyuhin.

“Hindi puwede, Kyte. Kailangang tapusin natin ang misyon natin dito bago tayo makauwi sa atin. Mas mapanganib kung uuwi tayong hindi nagagawa ang mga dapat nating gawin dito,” paliwanag niya rito.

“Mamamatay po tayo?”

Marahang pagtango ang isinagot niya sa pamangkin. “Ayaw nating mangyari iyon, ’di ba?”

Napansin ni Kyte ang botelya ng holy water.

“Ang holy water!” sigaw niya sabay takbo para kunin ang botelya.

Nanlumo ang bata nang makitang halos gapatak na lang ang natirang laman ng botelya.

“Paano na ’to, Tito Nathan? Natapon ang holy water.”

“Wala na tayong magagawa. Ang mahalaga ay nakatulong ’yan para umalis sa katawan ni Iska ang masamang espiritu,” sagot ni Nathan.

Narinig nilang umungol si Iska.

“Aling Iska?” tawag ni Helen sa kasera.

Dahan-dahan itong nagmulat ng mga mata. “Ba’t nakahiga ako rito? Anong nangyari sa akin?”

“Hindi n’yo po alam?” tanong ni Nathan.

Umiling si Iska. “Masakit ang ulo ko at buong katawan.”

“Marami tayong pag-uusapan. Pero salamat na lang at wala ring nangyaring masama sa’yo pagkatapos ng lahat.” Niyakap ni Helen ang nagtatakang babae.

“Bakit, ano ba ang nangyari? Wala kasi akong matandaan maliban sa nangyari noong gabi na dapat ay pupunta ako sa bahay para kumuha ng bumbilya, pero may malakas na hangin na tinangay ako pabalik sa loob nitong bahay. Pagkatapos noon, wala na akong iba pang maalala.”

Nagkatinginan sina Nathan at Helen. Kung ganoon, hindi nga alam ni Iska na may masamang espiritung sumanib sa katawan nito.

“Hoy! Ano? Natatakot na ako, ah!” sabi ni Iska sa kanilang dalawa.

“Naalala n’yo po na sumakit ang tiyan ni Kyte?”

“Oo…”

“May masamang elementong sumanib sa katawan niya. At sa tingin namin, iyon din ang espiritung pumasok sa katawan mo kaya hindi mo kami kilala kanina at muntik mo na kaming patayin.”

“Hesusmaryosep! Sumanib sa akin ang espiritu?” gulat niyang tanong.

Sumagot si Nathan, “Oo, at hinagis mo pa nga ako sa labas ng bintana. Kaya eto, may maliit na sugat ako sa ulo. Buti na lang, hindi masyadong dumugo.”

“Naku, pagpasensyahan mo na kung ano man ang nagawa ko. Wala talaga akong kamalay-malay sa mga nangyari. Isipin ko pa lang kung paano kita mabubuhat para ihagis sa labas ng bintana, parang napakaimposible na.”

“Huwag po kayong mag-alala, wala naman kayong kasalanan doon. Pasalamat pa nga kami na hindi kayo napahamak. Konsensya namin kung may nangyaring masama sa inyo,” sabi ni Nathan.

“Paano n’yo ba naalis ang masamang espiritu sa katawan ko?”

“Bigla na lang kayong natumba at nawalan ng malay noong mapatid ang isinumpang rosaryo. Tapos, may itim na usok na lumabas sa mata at bibig mo,” kuwento ni Helen.

“Kung nahawakan ko ang isinumpang rosaryo, ibig bang sabihin ay nakapila na rin ako sa mga mamamatay nang dahil sa sumpa?”

“Wala ka sa sarili mo noong hawakan mo ang rosaryo kaya hindi ko alam kung may parehong epekto. Puwedeng oo, puwedeng hindi. Pero manalig kang kaya nating labanan ang demonyo o ang sinumang naglagay ng sumpa sa rosaryo.

“Hesusmaryosep! Ayoko pang mamatay,” nag-aalalang sabi nito. “Tulungan n’yo ako…”

“Huwag kang mag-alala, Aling Iska. Kakayanin natin ito,” pagpapalakas-loob ni Nathan sa kasera.

ANG sumunod na araw ay parang normal lang at tila walang nangyaring kakaiba noong nagdaang gabi.

“Nathan, tingnan mo… May signal ako dito sa bahay pero napakahina. Sinubukan kong tawagan si Cristy pero hindi ko makontak, nawawala kasi ang signal.”

“Kaya nga humanap ka ng lugar na malakas ang signal para maayos rin kayong makapag-usap. Kung ganyan kahina ang signal mo, puwede siguro kayong mag-usap sa text lang. Makakapag-text ka na sa ganyan kahinang signal. Iyon nga lang, hintayin mo kung kailan papasok ang sagot niya sa’yo.”

“Sige na nga, pupunta na lang ako ulit sa tabing-dagat. Makasagap na rin ng sariwang hangin.”

“Bilisan mo, hahantingin pa natin si Didong Daga,” bilin ni Nathan.

“Oo…”

“Babalik ako kaagad,” sabi niya at saka naglakad na siya para magtungo sa tabing dagat. Pero bago pa siya nakarating sa pupuntahan ay nakatanggap siya ng text message mula kay Cristy.

“Helen, sorry. Wala talaga akong mahanap na kopya ng diyaryo o ng balitang sinasabi mo. Nagtanong na rin ako sa munisipyo, pero wala silang matandaang ganoong pangyayari.”

Nakadama ng panlulumo si Helen. Mukhang mahihirapan talaga silang malaman ang kaugnayan ng diyaryong may balita tungkol sa isang car accident sa isinumpang rosaryo.

“Chichi, habulin mo ako!” narinig niyang sigaw ng isang batang babae. Nakita niya sa bandang unahan ang isang tumatakbong bata habang hinahabol ng isang tuta. Ito rin ’yong batang nakita niya kahapon, ah. At gaya kahapon ay may bitbit na namang beach ball ang batang babae.

Hindi niya alam kung bakit parang may puwersang nag-utos sa kanya para lapitan ang bata.

“Anong pangalan mo?” nakangiting tanong niya sa bata.

“Bea po,” magiliw namang sagot nito. “Ikaw po, anong name mo?”

“Ako si Helen. Ang cute naman ng tuta mo.”

“Nice to meet you po. Siya po si Chichi, alaga ko. Regalo sa akin ng daddy ko noong birthday ko po,” kuwento pa ni Bea. Lumabas agad ang natural na kabibuhan nito.

“Nakita rin kita rito kahapon. Tagarito ba kayo?”

“Opo. Doon lang kami nakatira.” Itinuro pa nito ang direksyong binanggit.

“Ahh, naroon ang mga magulang mo?”

“Si Daddy lang po. Wala na kasi akong mommy.” Biglang nalungkot ang paslit.

“Oh, I’m sorry to hear that.”

“Bea!” narinig nilang sigaw ng isang paparating na lalaki.

“Ayan na ang daddy mo, Bea. Hinahanap ka na niya.”

Tiningnan nito ang lalaking paparating. Bigla itong natawa gayong kanina lang ay malungkot na ito. “Hindi ko naman po siya daddy. Si Master Jaime po siya.”

“Master Jaime?”

Nakalapit na sa kanila ang lalaki.

“Magandang umaga,” nakangiting bati ng matandang lalaki kay Helen. Sa tantiya niya’y nasa higit kuwarenta na ang edad nito.

“Magandang umaga rin po. Kaanu-ano n’yo po si Bea?”

“Pet trainor ako. Ako ang nagtuturo ng iba’t-ibang tricks kay Chichi, sa tuta ni Bea,” malugod na pagkukuwento nito.

“Opo, may new trick nga pong itinuro si Master Jaime kay Chichi kahapon, eh,” pagyayabang pa ni Bea.

“Wow naman! Puwede ko bang makita?”

Bumaling si Bea kay Master Jaime. “Master Jaime, puwede po ba?”

Ngumiti ang lalaki. “Oo naman. Tamang-tama, dala mo ’yang beach ball. Akin na…”

Napaawang ang labi ni Helen nang kunin ni Master Jaime kay Bea ang beach ball at ilapag iyon sa buhangin. Pagkatapos ay binuhat nito si Chichi at dahan-dahang ipinatong sa beach ball.

Ngayon ay nakapatong na sa beach ball si Chichi at tila may isip na bumalanse ito sa beach ball.

“Go, Chichi. Stand proud on the beach ball…” utos ni Master Jaime sa tuta.

Nanlalaki ang mga mata ni Helen habang pinanonood ang tuta sa pagbalanse nito sa beach ball. Parang bigla ay nagbalik sa isipan niya ang isang imaheng nagsimula niyang makita nang mapasakanya ang isinumpang rosaryo.

Ito na ba iyon?

Chapter 20

“MATAGAL ka na bang nakatira dito sa isla, Master Jaime?” naitanong ni Helen sa lalaki.

“Oo, dito na ako ipinanganak hanggang tumanda. Ikaw, ngayon lang kita nakita rito,” pansin nito.

“Nagbabakasyon lang po. Ilang araw pa lang kami rito ng mga kasama ko. Doon kami tumutuloy sa pinarerentahang bahay ni Iskang Isda.”

“Ganoon ba? Maganda rito sa Isla Maranlig, tahimik, mapayapa ang buhay. Siguradong magugustuhan n’yo rito ng mga kasama mo.” Nagpalinga-linga ito. “Nasaan pala sila?”

“Ah, nandoon sa bahay na tinutuluyan namin. Dumaan lang ako saglit dito para sumagap ng signal ng cellphone.”

“Ayun nga lang, napakahirap talagang maghanap ng signal ng telepono rito. Minsan, merong signal kahit nasa bahay ka lang. Pero madalas na wala. O kaya naman, napakahina. Hindi mo rin magagamit,” pagkukumpirma pa nito. “Pero maliban doon, alisin mo lang ang makabagong teknolohiya, napakagandang mamuhay dito sa isla.”

“Oo nga po.” Hindi niya alam kung bakit siya sumang-ayon sa sinabi ni Master Jaime gayong sa loob ng iilang araw nilang pananatili sa islang ito ay halos mamatay na silang tatlo nina Kyte at Nathan.

“Kung magtatagal kayo rito, dumaan kayo minsan sa bahay ko,” anyaya ni Master Jaime. “Ipaghahanda ko kayo ng masarap na pagkain.”

“Aba, sige ho. Saan ba kayo nakatira?”

“Kapag nasa poblasyon kayo, ipagtanong n’yo lang kung saan ang bahay ni Master Jaime. Alam ng lahat ng mga tagarito kung saan ang bahay ko.”

Tumango-tango si Helen. Sa isip niya ay nabuo na ang isang balak. Dadalawin niya talaga isang araw si Master Jaime sa bahay nito dahil maaaring isa ito sa mga susi para maputol nila ang sumpa sa rosaryong kahoy. “Puwede po ba kaming dumalaw sa’yo bukas?”

Natigilan si Master Jaime, nagtataka. “Bukas? Agad?”

“Opo sana… May pupuntahan kasi kami mamaya. Baka wala na kaming oras sa ibang araw. Kaya bukas na lang… sana.”

“Ahhh, sige. Walang problema,” sagot ni Master Jaime bagama’t may konting pagtataka sa kanyang isip. Pero dapat nga ba siyang mag-isip o magtaka, eh ’di ba siya naman ang nag-anyaya kay Helen na dumalaw sa bahay niya?

HINDI makapaniwala si Nathan nang ikinuwento ni Helen ang tungkol kay Master Jaime at sa nakita niyang pinagawa nito sa tutang si Chichi.

“Malakas ang kutob kong may makukuha tayong impormasyon kay Master Jaime. Hindi ko lang maisip sa ngayon kung paano naging konektado sa sumpa ang tuta o si Master Jaime, pero nararamdaman kong nasa tamang landas tayo, Nathan. At kailangang alamin natin iyon sa lalong madaling panahon,” deklara ni Helen.

“Sige, pero sa ngayon si Didong Daga muna ang hahanapin natin. Malapit na ang ika-labintatlong araw. Hindi tayo dapat nag-aaksaya ng panahon,” giit ni Nathan.

MAGKASAMA silang nag-abang kay Didong Daga sa poblasyon. Pero hanggang sa lumubog ang araw ay hindi nila ito nakita. Laking panghihinayang ang nadama nina Helen at Nathan.

“Sana pala, pinuntahan na lang ulit natin siya sa Kadawagan. Baka hindi siya lumabas ng bahay ngayon dahil sa nangyari sa inyo kahapon,” hinala ni Nathan.

“Baka nga. Paano ngayon ’yan? Papagabi na. Kung pupuntahan pa natin siya ngayon sa Kadawagan, baka hindi na tayo makababa ng bundok. Mahirap namang doon tayo magpalipas ng gabi. Hindi natin alam kung ano ang meron sa bundok na iyon.”

“Paano, uuwi na tayo? Hindi na darating iyon…”

“Tara na!” yaya ni Helen.

“Nathan! Ma’am Helen!” Kapwa sila napatingin sa pinagmulan ng tinig. Nakita nila si Carlos na papalapit at may bitbit na plastic bag na may lamang mga madahong gulay.

“Carlos, ikaw pala. Saan ang punta mo?” tanong ni Helen.

“Pauwi na. Baka gusto n’yong dumaan muna sa amin, para malaman n’yo kung saan ako nakatira. Malapit lang naman ’yon dito. Para makilala n’yo rin ang tatay ko. Nasa bahay siya. Naikuwento ko kasi kayo sa kanya.”

“Baka makaabala kami,” nag-aalangang sabi ni Nathan.

“Hindi naman. Kung gusto n’yo, doon na kayo maghapunan,” alok pa ni Carlos. “Sige na, minsan lang naman.”

“Punta na tayo, Tito Nathan. Gutom na ako, eh.” Si Kyte.

Tumingin si Nathan kay Helen. Tumango ito.

“Okay, sasama kami.”

“Halikayo, sunod na lang kayo sa akin. Malapit lang ang bahay namin.”

Walang limang minuto ay narating nila ang bahay nina Carlos. Pagpasok nila sa loob ng bahay ay sinalubong sila ng isang lalaki.

“Tatay, kasama ko iyong kinuwento ko sa’yo noong isang gabi. Nakita ko sila sa talipapa kaya inalok kong dito na maghapunan.” Ipinakilala niya ang mga bisita sa tatay niya. “Tatay, sina Helen at Nathan at ang pamangkin nila. Helen, Nathan, ang tatay ko… Jaime ang pangalan niya.”

Hindi pansin ni Helen ang sinasabi ni Carlos at ganoon din naman ang tinawag nitong tatay. Nakangiti siyang nakatingin sa ama ng sundalo.

“Ang liit po ng mundo, Master Jaime. Kayo pala ang tatay ni Carlos,” sabi niya rito.

“Oo nga. Akala ko bukas kayo pupunta, ngayon na pala,” natatawang sagot ni Master Jaime. “Ikinagagalak kitang makilalang muli. Ikaw rin, Nathan at ang cute na batang kasama n’yo.”

“Magkakilala na kayo?” tanong ni Carlos.

Nagpaliwanag si Helen, “Nagkakilala na kami kaninang umaga sa tabing-dagat. Nagtuturo siya ng tricks sa tuta.” Nilingon niya si Nathan na napatango na lang sa pagkakaalam na ito pala ang kinuwento kanina ni Helen na nagtuturo sa tuta para bumalanse sa beach ball.

“Maupo muna kayo at ihahanda ko lang itong uulamin natin. Tatay, ikaw na po muna ang bahala sa kanila,” sabi ni Carlos na agad nang nagtungo sa kusina.

Kauupo lang nila nang muling magsalita si Master Jaime. “Naikuwento sa akin ni Carlos na naghahanap kayo ng mga taong posibleng makapagbigay ng detalye sa pinagmulan ng sumpa sa rosaryong galing dito sa isla na dala-dala n’yo, tama ba?”

Halos sabay na tumango ang magkasintahan.

“Nagbabakasakali kami na mapuputol namin ang sumpa, dahil kung hindi ay baka sapitin din namin ang katulad ng sinapit ng mga naunang humawak at nagmay-ari sa rosaryo. Baka matulungan mo kami, Master Jaime,” seryosong sabi ni Helen.

“Sa paanong paraan ako makakatulong, sabihin mo? Hindi ako magdadamot kung kaya ko.”

“Noong hawakan namin ang rosaryo, may mga imaheng bigla na lang naglitawan sa aming isip… kaming tatlo. Pare-pareho naming naranasan iyon.”

Matamang nakikinig si Master Jaime. Hinihintay niya ang susunod pang sasabihin ni Helen.

“Isa sa imaheng lumitaw ay ang tutang nagbabalanse sa isang beach ball.” Saglit na lumunok si Helen bago muling nagsalita, “Nang makita ko kaninang umaga na pinagbalanse mo sa beach ball si Chichi, naisip kong baka may kaugnayan iyon sa imaheng nakikita namin. Hindi iyong mismong tuta, kundi iyong taong nagtuturo doon sa tuta.”

“Paanong—?”

“Don’t get me wrong, Master Jaime. Hindi ko iniisip na ikaw ang naglagay ng sumpa o ano pa man. Ang sumpa sa rosaryo ay isang palaisipan, na kailangan naming maresolba para maputol na ang mga nangyayaring pagkamatay.”

Napailing-iling si Master Jaime. “Hindi ko maisip kung paanong posibleng magkaroon ako ng partisipasyon sa sumpa ng rosaryong iyon. Pero kung may dapat akong gawin, sabihin mo lang sa akin at handa akong tumulong.”

Naputol ang pag-uusap nila nang lumabas sa kuwarto ang isang matandang lalaking mas matanda pa kay Master Jaime.

Napatingin dito sina Kyte, Nathan at Helen.

“Hindi pa ba tayo kakain, Jaime?” tanong nito.

Biglang napapitlag si Helen na para bang napaso. Ramdam na ramdam kasi niya na biglang uminit ang bulsa ng pantalon niya kung saan nakasilid ang isinumpang rosaryo!

“Carlos, hindi pa ba luto ’yan?” sigaw ni Master Jaime sa anak na nasa kusina.

“Maghahain na ako, ’Tay! Dumulog na kayo sa mesa,” narinig nilang sabi ni Carlos.

Tinawag ni Master Jaime ang mas matandang lalaki. “Halika muna rito, ’Tay. Ipapakilala ko sa’yo ang mga bisita natin.”

Lumapit naman sa kanila ang matanda.

“’Tay, eto si Nathan, Helen at ang pamangkin nila.” Bumaling ang tingin ni Master Jaime sa tatlong bisita. “Siya naman ang ama ko, si Nicandro Alviar.”

“Ikinagagalak po namin kayong makilala,” magalang na sabi ni Nathan.

“Kain na tayo! Nakapaghain na ako.” Hindi nila namalayang nakapalit na sa kanila si Carlos.

HABANG kumakain ay tuloy lang sila sa pagkukuwentuhan.

“Bakasyunista lang pala kayo rito,” sabi ni Nicandro na nakatingin kay Nathan.

“Opo,” maikling tugon niya.

“Lolo, siya ’yung naikuwento ko dati sa inyo ng tatay na nakapulot no’ng rosaryo na sinasabing may sumpa raw. Nagpunta sila rito para malaman kung paano ito nagkaroon ng sumpa at kung paano mapuputol ang sumpa,” mahabang kuwento ni Carlos.

“’Tay, noong bata ka pa, wala ka bang nabalitaan tungkol sa isinumpang rosaryong ’yan?” tanong ni Master Jaime kay Nicandro.

Umiling ito at saglit na huminto sa pagkain. “Wala naman. Tahimik na lugar ang islang ito. mas kokonti pa nga ang mga tao rito noon,” sagot nito at saka itinuloy ang pagkain.

“Wala po ba kayong nabalitaang anumang masamang nangyari dito noon? Mga matinding personal na pag-aaway ng mga magkapitbahay, o kaya naman ay mga alitan sa lupa na posibleng humantong para isumpa ng isa ang isa pa.” Naisip ni Nathan na dahil matanda na si Nicandro ay baka mas may alam ito na lumang kuwento tungkol sa isla.

“O kaya naman po ay baka may magulang na isinumpa ang isang suwail na anak. O baka rin may nangyaring krimen dati sa lugar na ito at isinumpa ang mga kriminal?” Umiral na naman ang pagkaimbestigador ni Helen.

Napatingin si Nicandro sa kanya na parang nanunuri ang mga mata.

“Aray!” biglang sabi ni Helen na ikinagulat ng lahat.

“Bakit, Helen?” tanong ni Master Jaime.

“Ahh, nakagat ko lang po ang dila ko,” pagsisinungaling niya. Ang totoo ay naramdaman na naman niyang parang napaso ang hita niya dahil mas mainit na ngayon ang bulsa niyang pinaglalagyan ng rosaryo.

Tumayo si Nicandro.

“Tapos ka na, Lolo?” tanong ni Carlos.

“Oo, alam mo namang hindi ako kumakain ng marami tuwing hapunan.”

Chapter 21

KARARATING lang nila sa bahay mula kina Carlos nang may kumatok sa pinto. Nasa salas sila noon at nakaupo sa mahabang upuang yari sa kawayan. Tatayo sana si Helen para buksan ang pinto pero naunahan na siya ni Nathan.

“Ako na…” Nagtungo sa pintuan si Nathan at pinagbuksan ang kumakatok.

Bumungad kay Nathan si Iskang Isda na may bitbit na unan at kumot.

“Napasugod po kayo?” tanong niya rito.

“Nathan, maaari bang dito na muna ako matulog? Natatakot akong mag-isa sa bahay.”

“Sige po, pumasok po kayo.”

Kaagad siyang pumasok sa loob ng bahay. “Salamat, Nathan. Kahit dito na lang ako sa salas, ayos na ako rito.”

“Hindi po, doon tayong lahat sa kuwarto. Maglalatag na lang ako sa sahig. Kayong tatlo na lang sa kama,” desisyon ni Nathan.

“Oo nga po, Aling Iska. Sa kuwarto na po tayong lahat. Mas okay ’yon, para madali nating matulungan ang isa’t isa kung sakaling may mangyari na namang hindi maganda,” susog naman ni Helen. “Teka, maliligo muna ako.” Tumayo siya at pumasok sa silid para kumuha ng tuwalya at pamalit na damit. Tapos ay muling lumabas para magtungo naman sa banyo.

Kapapasok lang niya sa banyo ng makita niya sa salaming nasa pader ng banyo ang kanyang itsura.

“Aaahhhh!!!” Malakas na napasigaw si Helen.

Napasugod papunta sa banyo sina Nathan, Kyte at Aling Iska.

“Helen, anong nangyari sa’yo diyan?” Kinalampag niya ang pinto ng banyo. “Helen! Buksan mo ang pinto!”

Sa loob ng banyo ay nanginginig ang katawan ni Helen habang tinitingnan ang repleksyon niya sa salamin. Ang noo niya hanggang sa bahagi ng mata ay nabalot na rin ng kaliskis na tila balat ng ahas. Ilang araw na lang at buong katawan na niya ang mababalot ng kaliskis. Magmumukha na siyang taong ahas sa kanyang paningin.

Mabuti na lang at hindi ito nakikita ng ibang tao maliban na lang kung kukunan siya ng litrato. Kung nagkataon, paano pa siyang lalabas ng bahay kung ganito ang kanyang itsura?

“Helen, buksan mo ang pinto!” Ang kalampag ni Nathan sa pinto ng banyo ang nagpabalik sa parang nawalang katinuan niya.

Binuksan niya ang pinto. Nakita niya ang nag-aalalang itsura ni Nathan.

“Anong nangyari?”

“Kumalat na ang kaliskis na balat ng ahas sa mukha ko. Kunan mo ako ng litrato mamaya para makita mo.”

“Okay ka lang ba?”

“Oo, nagulat lang ako kaya ako napasigaw. Hindi ko lang siguro inaasahan ang nakita ko,” sabi niya sa nobyo. “Sige, maliligo na ako…” Dahan-dahan na niyang isinara ang pinto.

Sa bahay nina Master Jaime ay abala si Nicandro sa kanyang silid. Hinahalungkat niya ang isang maliit na baul na puno ng iba’t ibang dokumento. Sa pinakailalim ay inilabas niya ang isang lumang diyaryo at saka muling isinara ang baul.

Dinala niya ang lumang diyaryo sa kanyang higaan at matamang pinagmasdan ang larawang naroon sa unang pahina. Isang larawan ng sira-sirang kotse dahil bumangga ito sa isang kongkretong pader. Nasa balita na namatay lahat ang apat na kabataang lalaking sakay ng naturang kotse.

Muli niyang naalala ang pangyayaring ito dahil sa tanong sa kanya ni Helen kanina. Hindi totoong walang nangyaring krimen sa Isla Maranlig maraming taon na ang nakararaan!

BUMUHOS ang malakas na ulan nang gabing iyon. Malalaki ang patak ng ulan at tila ba hindi kaagad ito hihinto. Tulog na sina Kyte, Helen at Iska pero si Nathan ay nananatiling gising. Hindi siya makatulog. Hawak niya ang cellphone niya at tinitingnan ang litrato ni Helen na kinunan niya kanina. Dito ay nakita niya nang maliwanag ang sinabi ni Helen na pati mukha nito ay halos mabalot na rin ng kaliskis na tila balat ng ahas.

Ano nga ba ang naghihintay sa kanila pagkatapos ng ilan pang mga araw? Kapag sumapit na ang ika-labintatlong araw, may matitira pa kayang buhay sa kanila?

Sino pa ba ang puwede nilang lapitan para makatulong sa kanila?

Si Master Jaime, ano ba ang kaugnayan nito sa sumpa ng rosaryo? Paano ba ito makakatulong sa pag-alis ng sumpa?

Iilang araw pa lang ang nakalilipas pero para na silang sumuong sa impiyerno sa dami ng kanilang mga pinagdaanan. At alam niyang hindi pa ito ang katapusan ng mga pagsubok. Alam niyang may darating pang mas matindi. Mas nakakatakot. Mas nakakikilabot!

Bumangon siya at nagtungo sa banyo para sa tawag ng kalikasan. Pagbukas niya ng pinto ng banyo ay agad niyang nakita ang kanyang repleksyon sa salamin. Pakiramdam niya ay nagtayuan ang lahat ng mga balahibo niya sa katawan. Tinutubuan na rin siya ng balat ng ahas sa parting kanang pisngi niya. Sanay na siyang makakita ng ganoon dahil nangyari na rin iyon kina Helen at Kyte, pero iba pala kapag sa sarili na niya mismo makikita ang kakatwang pagbabago ng kanyang balat. Saglit lang siyang natigilan, pagkatapos ay pilit na pinakalma ang sarili at ginawa nang magbawas ng laman ng kanyang pantog. Pagkatapos umihi ay kalmado siyang bumalik sa kuwarto na para bang walang kakaibang nangyari.

MAAGA silang umalis para magtungo sa Kadawagan. Kailangang mapiga na nila si Didong Daga at mapilit itong magsalita ng mga nalalaman nito tungkol sa isinumpang rosaryo. Wala na silang panahon na dapat askayahin. Ika-labingdalawang araw na ngayon mula nang mapunta sa kanya ang rosaryo. Nauubusan na sila ng oras!

Dinala ni Helen ang kanyang baril. Isinuksok niya ’yon sa likurang bahagi ng suot niyang pantalon. Sa harapang bulsa naman ay naroon ang rosaryo.

Pagdating nila sa paanan ng bundok ay sarado ang bahay ni Romano. Walang tao.

Nagsimula na silang akyatin ang bundok. Kumpara noong unang beses nilang pag-akayat, mas kumain sila ng oras ngayon. Marahil ay dahil kasama nila dati si Romano na kahit paano ay pamilyar sa lugar na pupuntahan nila. Ngayon kasi ay nag-iisip pa sila kung saan ba talaga ang tamang daan patungo sa bahay ni Didong Daga.

Nang sa wakas ay makita nila ang batis ay medyo nakahinga sila nang maluwag. Ibig sabihin, malapit na sila sa lugar na pupuntahan nila.

Malakas ang agos ng tubig sa batis at bahagyang tumaas din ang tubig nito. Marahil ay dahil sa nangyaring malakas na pag-ulan noong nagdaang gabi. Hanggang hita ni Nathan ang lalim at hanggang baywang naman kay Kyte. Maliban sa malakas na agos ng tubig ay medyo malumot din ang mga bato. Dahan-dahan silang tumawid upang hindi sila madulas. Hahawakan sana ni Nathan si Helen sa pagtawid pero sinaway siya nito.

“Si Kyte na lang ang hawakan mo, ako na ang bahala sa sarili ko,” sabi ni Helen.

“Ingat ka, madulas ang mga bato,” paalala ni Nathan.

Nasa bandang gitna na sila nang biglang matapakan ni Helen ang isang madulas na bato.

“Aaayyy!” Natapilok siya at pasalampak na napaupo sa batis. Lumubog ang katawan niya sa tubig.

Napasugod si Nathan para tulungan ang nobya. Nabitiwan niya si Kyte na dahil sa lakas ng agos ng tubig ay nawalan ng panimbang at tuluyan nang natumba..

Lumubog ang buong katawan ni Kyte. Ilang sandali rin itong nawala bago muling lumitaw sa tubig ang ulo nito pero sa mas malayong bahagi na ng batis.

“Tito Nathan!” takot na takot na sigaw ng bata habang tinatangay siya ng agos. “Tulungan mo ako!”

Mabilis na tinangay ng agos si Kyte.

“Nathan, tulungan mo si Kyte!” sigaw ni Helen. “Malulunod siya!”

Nang masigurong okay na ang nobya ay nagpatianod na rin si Nathan sa tubig para mabilis na mahabol ang pamangkin. “Kyte!!!”

“Tito Nathan! Tulooong!!!” Ang sigaw ni Kyte ay nilamon ng ingay na sanhi ng pagragasa ng tubig.

Tuloy-tuloy na inanod ng tubig si Kyte. Lulubog, lilitaw ang katawan nito sa rumaragasang tubig. Si Nathan naman ay ginawa ang lahat ng makakaya niya para maabutan ang pamangking tinangay ng agos.

Hindi inaasahan ang pagbangga ng katawan ni Kyte sa isang malaking tipak ng bato sa gitna ng batis. Nakahawak siya sa bato at napigilan nito ang pagtangay sa kanya ng agos.

“Tito Nathan, tulong!!! Tulungan n’yo po ako!” umiiyak na sigaw niya. Saklob na ng matinding takot ang mukha ni Kyte.

“Humawak kang mabuti, Kyte! Nandiyan na ako!” Sinikap ni Nathan na sagupain ang matinding agos para makapunta siya sa batong kinasadlakan ng pamangkin. Siya man ay natatangay din ng agos, mabuti na lang at marunong siyang lumangoy kaya nagagawa niyang makipaglaro sa agos ng tubig.

Pagkalipas ng ilang minuto ay nagawa rin niyang mapuntahan ang bato kung saan naroon si Kyte. Maputla na ang mga labi nito dahil sa pagkakababad sa malamig na tubig ng batis.

“Sumampa ka sa likod ko at huwag kang bibitiw sa akin kahit na anong mangyari,” bilin niya kay Kyte.

“O-opo,” sagot nito kasabay ang sunod-sunod na pagtango.

Nang maayos nang nakaposisyon si Kyte sa likod niya ay tinawid ni Nathan ang batis upang makapunta sa kabilang bahagi nito.

PUMASOK si Master Jaime sa kuwarto ng amang si Nicandro para linisin ang silid nito. Unang tumawag sa kanyang atensyon ang lumang diyaryong nasa kama nito. Dinampot niya ang diyaryo at agad niyang nakita ang balita sa unang pahina tungkol sa isang naaksidenteng kotse.

Binasa ni Master Jaime ang balita na nangyari pa noong taong 1968, anim na taon bago pa siya ipanganak.

Binalot siya ng pagtataka pagkatapos mabasa ang nasa pahayagan. Bakit itinatago ng tatay niya ang napakalumang diyaryong ito?

Bumukas ang pinto ng silid at pumasok si Nicandro. Agad nitong nakitang hawak ng anak ang lumang diyaryo. Lumapit siya rito at padaskol na kinuha ang pahayagan. “Akin na ’yan!” angil ni Nicandro sa anak.

“Importante ba ’yan, ’Tay? Lumang diyaryo lang naman ’yan,” sabi ni Master Jaime na nagtataka sa inaasal ang ama.

“Lumabas ka na, magpapahinga ako.”

“Hindi, ’Tay. Sabihin mo sa akin kung ano ang mayroon sa diyaryong iyan at parang napakaimportante naman yata.”

“Wala. Ayoko lang na pinapakialaman mo ang mga gamit ko.”

Hindi makapaniwala si Master Jaime sa sinabi ng ama. “Anong pinapakialaman? Bawal bang basahin ko ang isang lumang diyaryo? Bakit, ’Tay?”

“Lumabas ka na, Jaime!” sigaw nito sa kanya.

Nanatili siya sa kinatatayuan. “Noong nandito sina Helen, halata kong nagbago ang timpla mo noong magtanong siya tungkol sa posibeng pinagmulan ng sumpa sa rosaryo. Na para bang ayaw mong matatanong ka ng tungkol doon. May tinatago ka ba, ’Tay? May kinalaman ka ba sa dahilan kung bakit nagkaroon ng sumpa ang rosaryo?”

Hinarap siya ng matandang lalaki. Lumapit ito sa kanya nang halos isang dangkal lang ang pagitan ng mga mukha nila at tinitigan siya sa mga mata. “Gusto mong malaman? Gusto mong malaman ang totoo?”

Halos hindi humihinga si Master Jaime habang nakikipagtitigan sa ama. Naghihintay siya sa anumang sasabihin nito sa kanya. At natatakot siya sa maaaring sabihin nito.

“Oo! May kinalaman ako kung bakit nilagyan ni Carmen ng sumpa ang rosaryo!”

Chapter 22

“OKAY ka lang ba, Kyte?” tanong ni Helen sa bata nang tuluyan nang makaahon sa batis ang magtiyuhin.

“Opo,” sagot nito na nanginginig pa rin ang katawan.

“Halina kayo, ituloy na natin ang paglalakad,” yaya sa kanila ni Nathan.

Nagpatuloy silang tahakin ang daan patungo sa tinitirhan ni Didong Daga. Nang sa wakas ay makita nila ang kubo nito ay mas binilisan pa nila ang paghakbang.

Nang marating nila ang kubo ay tumawag si Nathan.

“Didong Daga, lumabas ka! Kausapin mo kami! Alam naming may alam ka tungkol sa pinagmulan ng sumpa sa rosaryo. Kailangang sabihin mo sa amin ang lahat ng nalalaman mo.”

Walang Didong Daga na lumabas o kaya naman ay sumilip man lang sa bintana.

“Wala yata siya rito, Nathan,” obserba ni Helen. “Baka nasa poblasyon siya at nagkasalisi lang tayo.”

“Nandito lang ako!” Narinig nilang tinig mula sa likuran.

Sabay-sabay silang napalingon sa kanilang likuran at nakita nila si Didong Daga na may pasang mga kahoy na panggatong.

Ibinaba ni Didong ang mga kahoy at hinarap ang tatlo.

“Ano ba talaga ang kailangan ninyo sa akin?” buo ang kumpiyansa sa sariling tanong nito.

Sumugod si Nathan at mabilis na dinakma ang kamisetang suot ng lalaki. “Sasabihin mo sa amin ang nalalaman mo tungkol sa isinumpang rosaryo, sa ayaw at sa gusto mo!”

Matapang na nagsalita si Didong Daga, “Hindi mo kailangang gumamit ng dahas para pagsalitain ako.” Hinawakan niya ang kamay ni Nathan na nakahawak sa kanyang kamiseta at dahan-dahan itong ibinaba. “Halikayo sa loob ng kubo ko, doon tayo mag-usap.”

Nauna nang naglakad si Didong Daga. Nag-aalangang sumunod sina Nathan at Helen, pero nanatili silang alerto sa anumang puwedeng mangyari. Si Kyte ay naman ay nakahawak sa braso ni Helen.

“Maupo kayo,” sabi ni Didong na ang tinutukoy ay ang mahabang upuang gawa sa kawayan na naroon sa pinakabukana ng kubo na siyang nagsisilbing salas ng munting bahay na iyon.

“Basang-basa ang mga suot n’yo. Anong nangyari?”

“Nahirapan lang kaming tumawid sa ilog. Malalim kasi at malakas ang agos.” Hindi na sinabi ni Helen ang totoong nangyari.

Pumasok sa loob si Didong ang nang lumabas ay may dala na itong tatlong basong may lamang kape.

“Magkape muna kayo para mawala ang lamig na nararamdaman n’yo. Nilagang sinangag na bigas lang iyan, pero kasingsarap naman ng mga ordinaryong kape.” Iniabot niya sa tatlong bisita ang kape na tinanggap naman ng mga ito.

Si Kyte ang naunang uminom ng kape. Sumunod din namang tumikim sina Nathan at Helen.

“Ano ang gusto ninyong malaman tungkol sa rosaryo?” tanong ni Didong Daga.

“Namamatay ang sinumang humawak o magmay-ari sa rosaryo. Paano namin mapuputol ang sumpa?” tanong ni Helen.

“Sino ang naglagay ng sumpa sa rosaryo at bakit niya ginawa iyon?” susog na tanong naman ni Nathan.

Nanatiling nakatingin lang sa kanila si Didong Daga. Nangingislap ang mga mata nito na para bang tuwang-tuwa.

Nagulat sina Helen at Nathan nang mula sa pagkakaupo ay biglang bumagsak sa lupa si Kyte. Walang malay!

Nanlaki ang mga mata ni Nathan. “Anong ginawa mo sa pamangkin ko?” galit niyang tanong.

“Katulad din ng ginawa ko sa inyong dalawa,” nakangising sagot ni Didong Daga at saka humalakhak tanda ng kanyang tagumpay.

Tumayo si Helen para sugurin si Didong Daga pero nanlambot ang kanyang tuhod at bigla rin siyang natumba at nawalan ng malay.

“Ikaw na ang kasunod,” sabi ni Didong Daga kay Nathan at saka muling humalakhak nang mas malakas pa kaysa kanina.

“Hayup ka!” Nagawa pang sugurin ng suntok ni Nathan si Didong Daga pero hindi na rin iyon umabot sa mukha ng lalaki dahil natumba na rin ito at walang malay na bumagsak sa lupa.

Mas lalo pang umalingawngaw sa kagubatan ang halakhak ni Didong Daga.

MASINSINANG kinakausap nina Master Jaime at Carlos si Nicandro. Pagkatapos umamin ni Nicandro sa kanya ay minabuti nila ni Carlos na alamin mula rito ang iba pang nalalaman nito.

Magkakaharap silang nakaupo habang pinapaamin pa nila ang mas nakatatandang Alviar sa partisipasyon nito sa pagkakaroon ng sumpa ng rosaryo.

“Ano ang totoong nangyari noong 1968, Lolo?” tanong ni Carlos.

“Matagal ko nang pinagsisihan iyon. Ayaw ko na ngang maalala,” simula ni Nicandro. “Hindi ko kagustuhan ang nangyari. Nagawa lang namin iyon ng mga barkada ko dahil lulong kami sa droga nang gabing iyon. Nag-hiking kami no’ng araw na iyon at bago bumaba ay nagdroga muna kami. Kaya iba ang takbo ng utak namin nang madaanan namin ang bahay nila. Magkakasama kaming lima nang gawin namin ang kabuhungang iyon,” kuwento pa niya.

“Lima?” tanong ni Master Jaime. “Ang tinutukoy mo bang barkada ay ang apat na lalaking namatay sa aksidente sa kotse?”

Marahang tumango ang kanyang kausap. “Ginahasa namin si Adela, ang anak ni Carmen. Pagkatapos ay pinatay din namin ito at inihulog sa isang balon na nasa kagubatan. Nasaksak ng isang barkada ko si Carmen. Pero bago ito namatay, narinig kong nagdadasal ito sa demonyo at sumumpang magbabayad ng buhay ang lahat ng lumapastangan sa kanila,” nanginginig ang boses na kumpisal ng matanda. “May hawak siyang rosaryo habang tinatawag ang pangalan ng demonyo. Isang rosaryong gawa sa kahoy,” detalyadong pagkukuwento ni Nicandro. Sa gawi ng paglalarawan nito sa nangyari, walang dudang positibo ang partisipasyon nito sa naganap na krimen maraming taon na ang nakalilipas.

“Hindi ba nagkaroon ng imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang babae? Wala ba silang ibang kaanak na nagdemanda?” tanong ni Carlos. Hindi siya makapaniwalang ang lolo niyang naging napakabuti sa kanya ay may itinatago palang anino ng kasamaan.

“Sinong idedemanda nila? May takip ang mga mukha namin nang pasukin namin ang kubo nila sa gitna ng gubat. Sigurado akong hindi kami nakilala ng mga biktima, maging ng nag-iisang kaanak nilang saksi sa krimeng iyon.”

“May iba pang nakakita sa ginawa n’yo? Sino siya?” tanong ni Master Jaime.

“Si Didong Daga, ang bunsong anak ni Carmen at mas nakababatang kapatid ni Adela. Pitong taong gulang lang siguro si Didong Daga noon. Nandoon siya sa isang sulok ng bahay, umiiyak at nagmamakaawa habang nakikipagbuno para sa mga buhay nila sina Carmen at Adela. Maaring nakilala kami ni Adela, pero hindi ni Didong.” Huminga nang malalim si Nicandro. “Pero matagal na iyon. Napakatagal na. Pinagsisisihan ko na ang nagawa naming iyon. Walang araw na hindi ko inihingi ng kapatawaran sa Diyos ang krimeng iyon. Kung kaya ko lang na ibalik ang araw, hinding-hindi ko na gagawin ang nagawa kong iyon.” Napahagulgol na siya sa labis na pagsisisi. “Hindi mawawala ang sumpa hanggang may nabubuhay sa aming lima. Iyon ang sumpa ng rosaryo. Patuloy ’yong kukuha ng buhay ng ibang tao hanggang hindi namamatay ang lahat ng lumapastangan sa pamilya ni Carmen. Namatay na sa aksidente ang lahat ng mga kasama ko. Ako na lang ang natitirang buhay. Ang kamatayan ko ang magliligtas sa buhay ni Helen at ng mga kasama niya, pati na rin sa iba pang humawak sa rosaryo na hindi pa tinatamaan ng sumpa,” puno ng dalamhating pagkukuwento ni Nicandro. Ngayon niya lubos na naramdaman ang epekto ng ginawa nilang krimen. Nadamay pati inosenteng mga tao dahil sa paghahanap ng katarungan ng pamilya ni Carmen.

Hindi malaman nina Master Jaime at Carlos kung magagalit ba sila o uunawain na lang si Nicandro. Pero isa lang ang tiyak, kailangang malaman ito nina Helen. Baka may iba pang paraan na puwedeng gawin para maputol ang sumpa sa rosaryo nang hindi kailangang magbuwis ng buhay si Nicandro.

Sana nga ay mayroon pang ibang paraan dahil alam nilang malapit na si Helen sa huling araw na itinakda sa sumpa.

NASA upuang kawayan pa rin sina Helen, Nathan at Kyte pero nakagapos na ang mga kamay at paa nilang tatlo nang magkamalay. Magkakalayo silang tatlo at ang mga paa nila ay nakatali rin sa upuan kaya hindi nila magagawang lumapit sa isa’t isa. Nakita nila sa kanilang harapan si Didong Daga, hawak-hawak nito ang baril ni Helen.

Itinutok niya kay Helen ang baril. “Bang!!!” sigaw niya na nagpapitlag sa babae. Natawa si Didong sa kanyang ginawa.

“Pakawalan mo kami rito, Didong! Hindi tayo magkaaway. Gusto lang naming humingi ng tulong sa’yo para mawala ang sumpa sa rosaryo. Pakawalan mo na kami!” sigaw ni Helen pero parang hangin lang iyon na naglagos sa tenga ni Didong.

Nagsalubong ang mga kilay ni Didong Daga. “Akala n’yo siguro mauutakan n’yo ako. Paano ’yan, nasa akin na ang baril mo?”

“Pakawalan mo kami rito! Magtuos tayo!” sigaw ni Nathan.

“Ulol! Bakit ako lalaban sa’yo ng patas eh, nasa akin na ang alas?” Muling humalakhak si Didong Daga. Iyong halakhak na nang-uuyam.

Pilit na nagpumiglas si Nathan para makawala sa pagkakagapos pero wala siyang magawa. Si Helen naman ay tahimik na kinakapa ang buhol ng tali sa kamay niyang nasa kanyang likuran. Umaasa siyang matatanggal niya sa pagkakabuhol ang tali at mapapakawalan niya ang sarili. Si Kyte ay tahimik lang at naiiyak na sa kanilang sinapit.

Nagulat sila sa sunod na ginawa ni Didong Daga. Lumapit ito kay Kyte at dito naman itinutok ang baril. Abot-abot ang takot ng bata na hindi na napigilang umiyak nang dumiin sa kanyang sentido ang dulo ng baril.

“Tito Nathan…” nanginginig na usal ni Kyte habang umiiyak. Walang nadamang habag si Didong Daga sa pag-iyak ng bata. Ang tanging nasa isip niya ay ang panganib na dala ng tatlo sa kanya kaya kailangang unahan niya ang mga ito.

“Huwag mong idamay ang pamangkin ko!” sigaw ni Nathan na todo ang pagngingitngit. Halos magsugat na ang braso niya sa pagpupumilit na makakawala sa pagkakatali. “Ako, ako ang harapin mo!”

“Hindi ako magdadalawang-isip na gamitin ito sa kahit sino sa inyo kung kinakailangan.” Hindi nawawala sa mukha ni Didong Daga ang nakalolokong ngisi. Sa malas ay mukhang wala nang pag-asang magbago pa ito ng isip.

“Sa ginawa mong ito sa amin, mas lalo lang kaming naniniwala na may kinalaman ka nga pagkakaroon ng sumpa sa rosaryo!” bulyaw ni Nathan sa lalaki.

Gigil na lumapit si Didong Daga kay Nathan. “Gusto mong malaman ang totoo? Gusto mo?” Mas malakas ang boses na sabi niya tapos ay ngumiti na tila nakakalalaki siya kay Nathan.

“Gusto lang naming maputol ang sumpa sa rosaryo para hindi na madagdagan pa ang mga namamatay nang dahil sa sumpang ’yan,” sabi ni Helen. “Masama ba iyon, Didong? Humihingi lang kami sa’yo ng tulong para wala nang madamay na inosenteng mga tao.”

Napuno ng malakas na boses ni Didong ang loob ng kubo. “Hindi puwedeng maputol ang sumpa hanggang hindi nagbabayad ang mga kriminal! Masasama sila! Mga hayup sila! Hindi sila dapat mabuhay!” nagngangalit ang bagang na sigaw niya. “Isang araw ay mahahawakan din nila ang rosaryo at pagbabayaran nila ng buhay ang ginawa nila!”

Gulat na gulat sina Nathan, Helen at Kyte sa rebelasyon ni Didong Daga. Hindi sinasadyang nasabi nito ang ilang importanteng impormasyon sa pagkakaroon ng sumpa ng rosaryo.

“Sino sila Didong? Sabihin mo sa amin? Tutulungan ka naming hanapin ang mga kriminal na sinasabi mo.” Sinubukan ni Helen na kunin ang loob ng lalaki. “Matutulungan kita, Didong. Pulis ako. Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kriminal na ’yon at sino rin ang mga naging biktima nila?”

Umiling-iling lang si Didong Daga. Sa umpisa ay marahan ang mga pag-iling nito hanggang sa maging sunod-sunod na at mabilis. Bigla ay nagtatakbo ito papalabas ng kubo na sumisigaw tapos ay hahalakhak. Narinig nila ang sigaw at halakhak nito hanggang sa tuluyan na itong mawala sa kanilang pandinig.

“Wala na siya!” sabi ni Helen. “Paano tayo makakawala rito? Mag-isip tayo ng paraan kung paano tayo makakatakas dito!”

Chapter 23

NAGTATAKBO sa kagubatan si Didong Daga habang nagsisisigaw at humahalakhak. Sa kanang kamay niya ay naroon pa rin ang baril ni Helen. Nang makaramdam ng pagod ay saglit siyang huminto at saka humahagulgol na napaluhod sa damuhan. Umiyak siya na parang batang nagsusumbong sa kanyang ina.

Sa kabilang bahagi ng lugar kung saan naroon si Didong Daga ay matamang nagmamasid si Romano. Nasa gubat siya para manguha ng kahoy na panggatong. Kanina pa niya nakita ang lalaki na tumatakbo at humahalakhak kaya palihim niya itong pinagmasdan. Nakita niya ang hawak nitong baril. Kanino ang baril na iyon?

Ibinaba ni Romano ang mga nakuhang kahoy sa gubat at mabilis na binagtas ang daan patungo sa kubo ni Didong Daga. Pakiramdam niya’y may humihila sa kanya para pumunta sa tinitirhan nito.

“Romano!” gulat na sigaw ni Helen nang makita sa bukana ng kubo ang lalaki. “Tulungan mo kami?”

Maging si Romano ay nagulat din nang madatnang nakatali ang tatlo. “Anong nangyari? Bakit kayo nakagapos?”

“Napaniwala kami ni Didong Daga na sasabihin na niya sa amin ang nalalaman niya sa sumpa ng rosaryo. Napainom niya kami ng kapeng may pampatulog. Paggising namin, nakagapos na kaming lahat,” paliwanag ni Nathan.

Inumpisahan ni Romano na kalagan ng tali si Nathan. “Mabuti na lang at naisipan kong mangahoy ngayon. Nakita ko sa gubat si Didong, nagsisisigaw at humahalakhak. Nakita ko rin na may dala siyang baril kaya nagduda ako at nagpunta rito.”

Ilang sandali pa at tuluyan na niyang nakalag sa pagkakagapos si Nathan. “Kalagan mo si Helen. Ako na ang bahala sa bata,” sabi ni Romano kay Nathan.

“Salamat, Romano!”

Nagkanya-kanya na sila sa dapat gawin. Inumpisahang kalagin ni Nathan ang lubid na nakagapos kay Helen. Si Romano naman ay naging abala sa pagtanggal ng lubid na nakatali sa mga paa’t kamay ni Kyte.

Nang sa wakas ay matanggal na sa pagkakagapos sina Helen at Kyte ay agad na nag-utos si Romano.

“Umalis na tayo rito! Bago pa tayo mabutan ni Didong Daga.”

“Saan kayo pupunta!” Hindi nila inaasahang makikita si Didong Daga nang makalabas na sila ng kubo.

“Bakit mo sila iginapos dito? Wala silang kasalanan sa’yo!” sigaw ni Romano.

“Wala kang pakialam!” Itinutok ni Didong Daga ang baril kay Romano at agad na ipinutok. Sapul sa balikat ang lalaki.

“Helen, tumakbo na kayo!” pasigaw na utos ni Romano sa tatlo na bagama’t may tama ng bala ay buong giting na sinugod si Didong Daga na muli na namang itinutok ang baril sa kanya. Bago pa iyon maiputok ni Didong Daga ay nahawakan na niya ang kamay nito at pilit na nakipag-agawan sa baril.

Nagtatakbo sa kagubatan sina Nathan, Helen at Kyte habang nagpapambuno naman sina Romano at Didong Daga. Patuloy silang nag-agawan sa baril. Walang gustong magpatalo. Walang gustong sumuko. Kahit medyo may edad na si Didong Daga ay malakas pa rin ang katawan nito. At ang isip nito ay tuso.

Isang malakas na tadyak ang ibinigay ni Didong Daga kay Romano na siyang nagpabagsak dito. Bago pa makabangon ang lalaki ay apat na sunod-sunod na putok ang ibinigay dito ni Didong Daga. Gigil na gigil niyang ipinutok ng dalawang beses pa ang baril upang siguruhing hindi na makakabangon pa ang kalaban.

Dinig na dinig nilang tatlo ang mga putok ng baril. Napahinto sila sa pagtakbo. Alam nila, isa kina Didong at Romano ang patay na!

“Nathan, baka napatay na ni Didong si Romano,” nag-aalalang sabi ni Helen.

“Huwag naman sana…”

“Tito Nathan, umalis na po tayo rito. Baka barilin rin tayo no’ng matandang lalaki.”

“Magtago na kayo! Kayo na ang isusunod ko sa lalaking ito!” Hawak pa rin ang baril ni Helen ay dinampot ni Didong Daga ang isang piko. “Nandiyan na ako!!!”

Nilukob sila ng matinding takot nang marinig nila ang sigaw ni Didong Daga. Kung mamalasin sila, hindi man sila mamatay nang dahil sa sumpa, mapapatay naman sila ni Didong Daga.

SAKAY ng kanyang motorsiklo ay nagtungo si Carlos sa bahay ni Iskang Isda kasama si Master Jaime at Nicandro.

“Aling Iska! Tao po, Aling Iska!” tawag ni Carlos. Hindi na sila bumaba sa motorsiklo.

Lumabas ang matabang babae na nagulat sa pagdating ng mga hindi inaasahang bisita.

“O, kayo pala, Carlos. Ba’t napasugod kayo?”

“Hinahanap namin sina Helen. Importante lang. Nandiyan ba sila?”

“Aba, maaga silang umalis. Aabangan yata sa poblasyon si Didong Daga. Kung wala, baka pinuntahan nila sa Kadawagan.”

“Ganoon ba? Sige po, pupunta na lang kami sa Kadawagan.” Hindi na nila hinintay sa sumagot ang babae. Mabilis na pinaharurot ni Carlos ang motorsiklo.

PALINGA-LINGA si Didong Daga sa paligid ng kagubatan. Nakikiramdam siya kung nasaan ang mga taong hinahabol niya. Papalubog na ang araw. Ilang sandali na lang ay kakagat na ang dilim.

“Ano?! Hindi pa ba kayo lalabas sa pinagtataguan n’yo?” Umalingawngaw ang boses niya sa buong kagubatan. “Hindi ninyo ako matatakasan! Hindi ninyo puwedeng putulin ang sumpa. Hindi puwedeng maputol ang sumpa hanggang hindi pa nagbabayad ang lahat ng pumatay sa nanay ko, at sa gumahasa at pumatay sa kapatid ko.” Napahagulgol si Didong Daga. Parang bata itong umiyak sa sobrang paghihinagpis nang maalala ang malagim na nangyari sa kanyang nanay at ate. “Hahabulin ng sumpa ang lahat ng may kinalaman sa trahedyang sinapit ng pamilya ko, pati na ang iba pang mga taong hahawak at magmamay-ari sa isinumpang rosaryo! Walang makakatakas sa sumpang inilagay ng demonyo sa rosaryo kapalit ng kaluluwa ng nanay ko! Mawawala lang ang sumpa kapag namatay na ang lahat ng taong lumapastangan sa kanila!”

Sa kanilang pinagtataguan ay halos hindi humihinga sina Helen, Kyte at Nathan. Dinig na dinig nila ang sinabi ng lalaki at hindi sila makapaniwala sa mga ibinulgar nito. Nagkatinginan sina Helen at Nathan. Sa mga mata nila ay naroon ang mga tanong. Sino ang mga walang pusong gumawa ng karumaldumal na krimen sa pamilya ni Didong Daga?

“Lumabas kayo sa pinagtataguan n’yo!” Muling umalingawngaw ang isang putok galing sa baril na hawak ni Didong Daga.

“Aaahhh!!!” Napasigaw sa takot si Kyte at naging dahilan iyon para malaman ni Didong kung nasaan sila.

“Andiyan lang pala kayo!” Napahalakhak na naman si Didong Daga. “Nandiyan na ako!”

Takot na tumakbo sina Nathan, Helen at Kyte. Halos magkandarapa na sila sa pagtakbo. Hindi na nila alam kung saan susuot. Madilim na sa gubat at tanging ang liwanang lang ng papasikat pa lang na buwan ang tumatanglaw sa kanilang dinadaanan. Walang lingon-lingon, puro takbo lang ang kanilang ginawa para matakasan ang lalaking humahabol sa kanila. Alam nilang nasa likuran lang si Didong Daga at hinahabol sila. Nagkasugat-sugat na silang tatlo sa pagsuot sa madawag na kagubatan. Ang mga halamang ligaw sa gubat na may magilik na sanga at mga dahon ay tila maliliit na patalim na humihiwa sa balat ng kanilang mga braso.

Hawak ni Nathan sa braso si Kyte para siguruhing hindi maiiwan ang bata. Halos lumulundag na ang paslit sa ginagawa nitong pagtakbo para masabayan ang kanyang amain.

Isang nakausling malaking ugat ang nadaanan ni Helen na naging dahilan para matapilok siya at matumba.

“Aaayyy!” sigaw ni Helen na nagpahinto sa pagtakbo nina Nathan at Kyte.

Nilapitan nila ang babae at tinulungang makatayo at saka muli silang nagtatatakbo sa bahaging iyon ng kagubatan.

“Bilis! Hindi tayo dapat maabutan ni Didong!” sigaw ni Nathan.

Si Didong ay mabilis ding humahabol sa tatlo bitbit pa rin ang baril at isang piko. Kahit may edad na, maliksi pa rin ang katawan nito at nagagawa pa ring makipaghabulan. At dahil teritoryo niya ang gubat na iyon, kabisado na niya ang pasikot-sikot dito at hindi man lang siya nag-aalalangan na matatakasan siya ng tatlo.

“Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing.” Habang sinusundan ang tatlo ay inuusal ito ni Didong Daga. “Magtago na kayo! Wala na kayong tatakbuhan pa! Hindi ninyo ako matatakasan. Dito na kayo malilibing!!!” sigaw niya habang patuloy sa paghabol kina Kyte, Helen at Nathan.

Biglang kumulog at kumidlat. Kasunod noon ay bumuhos ang malakas na ulan.

Saglit na huminto ang tatlo sa pagtakbo at sumilong sa isang malaking puno na mayabong sa dahon.

“Dito muna tayo,” humihingal na sabi ni Nathan.

“Pagod na ako, Tito Nathan. Hindi ko na po kayang tumakbo.”

Nakaramdam ng habag si Helen kay Kyte. Maging siya man ay nakararamdam ng sakit sa paang sumabit sa malaking ugat kanina nang matapilok siya.

“Huwag tayong maingay,” sabi niya. “Baka marinig tayo ni Didong Daga.”

Mas lalo pang lumakas ang ulan. Halos wala na silang marinig sa paligid kundi ang tunog na likha ng bumabagsak na malalaking patak ng ulan.

“Nasaan na kayo! Malapit na ako diyan!” Humalakhak si Didong Daga at dinig na dinig iyon ng tatlong nagtatago sa malaking puno.

Nanlalaki ang mga mata ni Kyte sa takot. Si Nathan ay mas tinalasan ang kanyang pakiramdam. Si Helen naman ay nanatiling alisto sa posibleng biglaang pagsalakay ni Didong Daga.

“Tito Nathan, malapit na siya…”

“Shh… ’wag kang maingay, Kyte.” Inilagay pa ni Helen ang hintuturo niya sa kanyang bibig. “Baka marinig niya tayo.”

“Natatakot po ako. Papatayin niya tayo…”

“Nasaan na kayo?! Hindi ninyo ako puwedeng takasan!” Humalakhak si Didong Daga bago napahagulgol. Salitang iyak at halakhak ang kanyang ginawa na para bang nawawala na sa sariling katinuan. Pero kahit ganoon, malinaw pa rin sa utak niya ang malagim na nangyari sa ina niya at kapatid, limampung taon na ngayon ang nakalilipas.

Chapter 24

1968

Tahimik na namumuhay sa kanilang kubo sa gitna ng gubat si Carmen, kasama ang dalawa niyang anak na sina Adela at Didong. Mula nang mamatay ang kanyang asawa dahil sa kagat ng ahas habang nangangahoy ito sa gubat may anim na taon na ang nakararaan ay silang mag-iina na lamang ang nagdadamayan para mabuhay. Nagtutulungan silang mag-iina sa paggawa ng rosaryo kung saan ang maliliit na butil nito ay ang mismong ina nila ang gumagawa mula sa mga puno ng kahoy na nakukuha nila sa gubat. Matiyagang binibilog ni Carmen ang mga maliliit na butil at pagkatapos ay ginagawa nilang rosaryo gamit ang maninipis na alambreng binibili nila sa palengke sa bayan ng Burgos. Kung wala naman silang mabiling alambre ay gumagamit din sila ng nylon. Ang mga nagagawa nilang mga rosaryo ay ibinebenta nila sa labas ng maliit na kapilya sa Isla Maranlig. Kung minsan naman, lalo na kung marami silang nagawang rosaryo ay dumadayo sila sa bayan ng Burgos upang ibenta ang mga ito sa labas ng simbahan doon. Magaganda ang mga gawa nilang rosaryo kaya nga noong minsan na nakita ng pari sa Burgos ang mga ibinebenta nilang rosaryo ay kinausap nito si Adela upang sabihin kay Carmen na siya na lang ang bibili ng lahat ng magagawa nilang mga rosaryo upang dalhin at ibenta sa Maynila. Sa pamamagitan ng mga naibebenta nilang mga rosaryo ay naitatawid nila ang pang-araw-araw nilang gastusin sa bahay.

Labingwalong taong gulang si Adela na bagama’t salat sa materyal na bagay ay lumaking maganda at maayos kumilos. Magalang siya sa pakikitungo sa ibang tao kahit na nga ba sa gubat sila nakatira at malayo sa bahay ng iba pang mga residente sa isla. Mula nang regular nang kinukuha ng pari ang kanilang mga gawang rosaryo ay parang nagkaroon na rin sila ng regular na kita kaya nakabalik siya sa pag-aaral ng high school kung saan nasa ikatlong taon pa lamang siya sa kabila ng kanyang edad.

Isang gabi ay ginulat sila ng limang kabataang lalaki na bigla na lamang pumasok sa kanilang kubo. Gabi na noon at abala sa paggawa ng rosaryo sina Carmen at Adela. Si Didong naman ay inihahanda na ang kanilang higaan. May balot na itim na tela ang mga mukha ng lalaki na tanging mata lamang ang nakalabas kaya hindi niya nakilala ang mga ito.

“Sino kayo? Anong kailangan n’yo?” matapang na tanong ni Carmen sa mga lalaki.

Hindi sumagot ang mga ito bagkus ay tuloy-tuloy na pumasok at isa ang bumuhat kay Adela.

“Bitiwan mo ako! Saan mo ’ko dadalhin?” sigaw ni Adela habang nagpupumiglas at pilit na kumakawala sa lalaking bumuhat sa kanya.

“Bitiwan mo ang anak ko!” Hinabol ni Carmen ang lalaki at hinampas ang likod nito gamit ang kanyang mga kamay, pero dalawa sa mga kasama ng lalaki ang hinawakan siya at itinulak. Bumagsak siya sa lupa at nang tatayo na siya para saklolohan ang anak ay tinadyakan naman siya ng isa pang lalaki.

“Nanay!” Napatakbo si Didong sa kanyang ina. “Masasama kayo! Bakit n’yo sinasaktan ang nanay at ate ko?” sigaw ni Didong pero binalewala lang ito ng lalaki.

“Saklolo! ’Nay, tulungan mo ako!” Dinig na dinig nila ang sigaw ni Adela mula sa labas ng kubo.

Nagpumilit bumangon si Carmen at muling tumakbo papalabas ng kubo para saklolohan ang anak. Kasunod niya si Didong na siya namang hinarang ng dalawang lalaki. Ang isa ay binuhat pa siya at pabagsak na inihagis sa isang sulok.

Napaiyak na lamang ang bata sa natamong sakit ng katawan. “Masasama kayo…” panangis ni Didong. “Maawa kayo sa nanay at ate ko…”

Sa labas ng kubo ay bahagyang itinaas ng isang lalaki ang itim na telang tumatakip sa kanyang mukha at saka pinaghahalikan si Adela. Nagpupumiglas ang dalaga pero hinawakan ng dalawang lalaki ang kanyang mga kamay kaya malaya ang lalaking humahalik sa kanya na paglakbayin ang mga kamay nito sa kanyang katawan.

“Bastos! Hayup ka! Haaayuuuppp kaaa!” Wala nang nagawa si Adela kundi ang umiyak na lang.

Maging si Carmen ay wala nang maitangis sa nakikitang pagsasamantala ng mga lalaki sa kanyang anak. “Bitiwan n’yo ang anak ko! Maawa kayo, mga hayup kayo!” Puro sigaw na lang ang kaya niyang gawin dahil hawak din siya ng dalawa pang lalaki.

Si Didong ay tahimik na lang na umiiyak sa isang sulok sa loob ng kubo.

Tinangkang halikan ng lalaki sa labi si Adela. Naging dahilan iyon para kagatin niya ng buong diin ang labi ng lalaki.

“Aaahhh! Gago ka!” Isang malakas na suntok ang ibinigay ng lalaki kay Adela. Sa sobrang lakas ay pumutok ang bibig nito at umagos ang dugo.

“Adela!!!” Abot-abot ang awa ni Carmen sa nakikitang nangyayari sa kanyang anak. “Hayup kayo! Bitiwan n’yo ang anak ko! Mga walanghiya kayo!”

Binalingan siya ng lalaking nanuntok kay Adela. “Sige, gusto mong manood? Pagbibigyan kita! Panoorin mo kung paano ko paligayahin ang anak mo!”

“Hayuuup kaaa!!!” Halos magsugat na ang braso ni Carmen sa pagpipilit na kumawala sa dalawang lalaking humahawak sa kanya.

Sapilitang dinukot ng lalaki ang suot na panloob ni Adela at walang ano mang hinubad ito at saka itinapon sa damuhan.

“Hayup ka! Huwag mong babuyin ang anak ko!” Abot hanggang langit ang poot ni Carmen sa mga lalaki. Kung nakamamatay lang ang tingin, kanina pa sana naging malamig na bangkay ang mga walang pusong lalaking ito.

“Huwaaag! Maawa ka… maawa ka… sa akin…” Halos lumuhod na si Adela sa pagmamakaawa. “Parang awa mo na, ’wag po…” Patuloy siya sa pagtangis.

Pero ang lalaking kaharap niya ay puno na ng pagnanasa ang puso’t isipan. Wala ng puwang ang awa at pagiging tao sa kanyang sensibilidad. Puro kahayupan na lang ang nasa dibdib nito ngayon.

Isang malakas na suntok sa sikmura ang pinakawalan ng lalaki kay Adela. Namilipit sa matinding sakit ang dalaga na halos panawan ng ulirat sa hindi inaasahang sakit na madarama.

“Malakas ka, ha? Hindi ka nakuha sa isang suntok lang kaya eto pa ang isa.” Muli nitong sinikmuraan si Adela at doon ay tuluyan na itong nawalan ng malay.

“Mga hayop kayooo!” Walang tigil sa pag-iyak si Carmen. Sinipa niya ang pribadong bahagi ng isa sa dalawang lalaking humahawak sa kanya at dahil sa sakit ay nabitawan siya nito. Sunod niyang tinapakan nang malakas ang paa ng isa pang lalaki kaya nabitawan rin siya nito. Nagtatakbo siya papaloob ng kubo at kinuha ang isang itak at pasugod na lumabas muli ng bahay para ipagtanggol ang kawawa niyang anak.

Pero bago pa siya nakalabas ay heto na ang lalaking tinapakan niya sa paa. Nagbunot ito ng patalim at sinalubong siya ng saksak bago pa niya maitaga rito ang hawak niyang itak.

Nanlaki ang mga mata ni Carmen nang tumusok sa sikmura niya ang patalim.

Hindi pa nakuntento ang lalaki, binunot nito ang patalim at saka muling isinaksak kay Carmen.

At isa pang muli…

“Nanay!” sigaw ni Didong sabay takbo papalapit kay Carmen nang makita niya itong duguang bumagsak sa lupa. Natabig pa ni Carmen ang mesitang ginagamit nila kapag gumagawa sila ng rosaryo kaya bumagsak sa kanya ang mga rosaryong nagawa na nila pati na rin ang iba pang mga butil na gagawin pa lang sana.

Isang rosaryo ang nahawakan ni Carmen at sa nanghihinang boses ay umusal ito ng panalangin. “Isinusumpa ko lahat kayo na lumapastangan sa akin at sa mga anak ko. Pagbabayaran ninyo ito ng buhay n’yo. Mamamatay ang lahat ng hahawak at magmamay-ari sa rosaryong ito. Satanas! Hanggang labintatlong araw lang ang ibibigay ko sa kanila. Pakinggan mo ang hiling ng isang babeng malapit nang mamatay. Ibibigay ko sa’yo ang kaluluwa ko, bigyan mo lang ng katarungan ang nangyari sa amin ng mga anak ko! Satanas, sumasamo ako sa’yo… Hanggang makapagbayad lang ang mga lapastangan…”

“Anong ginawa mo? Bakit mo sinaksak?” tanong ng isa pang lalaki. Ito ’yong lalaking sinipa ni Carmen sa pribadong bahagi kanina.

“Nararapat sa kanya ’yan!” Lumabas na ng kubo ang lalaki.

“Satanas… sa iyong makapangyarihang kamay, iniaalay ko ang aking kaluluwa…” Dinig na dinig niya ang sabi ng babae. “Gawin mong kasangkapan sa aking paghihiganti ang rosaryong ito…”

“Nick, halika na! Dadalhin na lang natin itong babae!” narinig niyang sigaw ng kanyang mga kasama.

Napaurong papalabas ng kubo ang lalaking tinawag na Nick ng kanyang mga kasama. Mabilis nilang nilisan ang lugar na iyon tangay ang walang malay na si Adela.

Chapter 25

NAIWAN sa loob ng kubo ang naghihingalong si Carmen at ang umiiyak na si Didong.

“Nanay… Nanay, ’wag kang mamamatay…” Walang humpay sa pag-iyak si Didong.

Dahan-dahang umangat ang kamay ni Carmen na may hawak na rosaryo at hinaplos ang pisngi ng anak niya. Ilang saglit lang iyon. Pagkatapos ay mapait siyang ngumiti at tuluyan nang hinigit ang huli niyang hininga.

“Nanay!!!” Halos kapusin ng hininga si Didong sa nadaramang paghihinagpis sanhi ng pagyao ng mahal niyang ina. “Nanay! Nanay, gumising ka!”

Nalaglag ang kamay ni Carmen na nakadampi sa pisngi ni Didong. Kasabay na nahulog sa lupa ang rosaryo eksakto sa bahaging may patak ng dugo na nanggaling sa saksak ni Carmen.

Sa isang gilid na bahagi ng kubo ay isang malaking sawa ang gumagapang. Paikot-ikot ito sa loob ng kubo na para bang sinusuri ang mga nasa loob nito. Maya-maya pa ay gumapang ito papalapit kina Carmen at Didong.

Nahintakutan si Didong nang makita ang malaking sawa na dilaw na dilaw ang mga mata at mahahaba ang mga pangil kaya bigla siyang napatayo at napatakbo papalayo sa bangkay ng ina. Kitang-kita niya ang dahan-dahang paglapit ng ahas sa kanyang ina. Nakakatakot din ang mahaba at sanga-sanga nitong dila na labas-pasok sa bibig nito.

Dinila-dilaan ng ahas ang mukha ni Carmen. Kasunod nito ay dinilaan din ang mga braso at binti. Gumapang ang ahas sa buong katawan ng babae at unti-unti ay nagkaroon ng tila kaliskis na balat ng ahas ang mukha, braso at binti nito at lahat ng bahaging nadaanan at nadilaan ng ahas. Ilang sandali lang at nabalot ng tila kaliskis na balat ng ahas ang buong katawan ng kanyang ina. Binalot ng sindak si Didong sa kanyang nasaksihan at napako na siya sa kanyang kinatatayuan.

Mas lalo siyang kinilabutan nang dahan-dahang bumuka ang bibig ng ahas hanggang sa lumaki nang husto ang bibig nito. Kitang-kita rin niya nang lumapit ang nakabukang bibig ng ahas at sinakmal ang bangkay ng kanyang ina.

Hindi na mawawala sa kanyang gunita kung paanong kinain ng ahas na iyon nang buo ang kanyang mahal na ina! Sa paningin niya’y nagmistulang isang buong taong ahas ang kanyang ina habang unti-unti itong nilulunok ng malaking ahas.

Halos hindi na gumagalaw si Didong sa kanyang kinatatayuan sa pangambang siya naman ang isunod na lunukin ng malaking sawa. Pati ang kanyang pag-iyak ay pilit niyang pinigilan. Ayaw naman niyang mapunta sa loob ng tiyan ng ahas. Sa kanyang murang isipan ay hindi na maaalis ang nakakakilabot na eksenang kanyang nasaksihan.

Ilang sandali ring namalagi roon ang sawa. Labas-masok ang dila nito na tila ba naghahanap pa ng makakain. Nang makita nito ang rosaryong puno ng dugo ni Carmen ay inikutan nito ang rosaryo at saka dinilaan nang paulit-ulit. Pagkatapos ay tila ba may buhay na biglang gumalaw ang rosaryo. Gumalaw ito na para bang gustong kumawala sa lupa at lumutang sa hangin. Ilang saglit din itong kumiwal-kiwal hanggang sa tuluyan na itong umangat at lumutang. Dahan-dahan itong nagpaikot-ikot sa loob ng bahay, naghahanap ng malulusutan. At nang matiyempuhan ang daan papalabas ay para itong bulalakaw na sumibad papalayo hanggang sa tuluyan na itong nawala sa kadiliman ng gabi.

Nanatiling hindi kumikilos si Didong sa kinatatayuan niya. Panay lang ang lunok niya ng laway. Balot na balot ng takot ang kanyang itsura. Sobra-sobrang sindak na ang nasaksihan niya ngayon simula kanina sa pagdating ng mga buhong na kalalakihan.

Muli niyang tiningnan ang malaking ahas. Nasa harap pa rin niya ito at hindi pa rin umaalis. Ano pa kaya ang gagawin nito? Ang katawan nito ay maumbok pa rin at mahahalatang katatapos lang nitong lumunok ng isang malaking pagkain. Patuloy na naglalabas-pasok sa bibig nito ang mahaba at sang-sangang dila nito. Mamaya pa ay muli na itong gumapang papalabas ng kubo at ilang saglit lang ay wala na ito sa paningin ni Didong.

Naiwan siyang nag-iisa sa loob ng kubong iyon. Nagtatakbo siya papalabas upang tingnan ang kanyang kapatid ngunit wala ito roon. Dinala ng mga lalaki ang ate niya. Napaiyak na lamang si Didong sa labis na takot at pag-aalala para sa nakatatandang kapatid. Ano na ang gagawin niya ngayon? Nasaan na kaya ang ate niya? Paano niya matutulungan ang ate niya?

Tumakbo siya sa madilim na kagubatan habang isinisigaw ang pangalan ng kanyang kapatid. “Ate Adela, nasaan ka? Ate Adela! Ate Adela!” Pero ang kanyang sigaw ay nilamon lang ng kadiliman. Walang sagot na narinig mula sa kanyang mahal na kapatid.

Wala nang nagawa si Didong kung hindi ang umiyak at at ipagdasal na sana naman ay makaligtas ang ate niya sa kamay ng mga salbaheng lalaking iyon.

Nang mga sandaling iyon, si Adela ay nagkamalay na at nasa gitna ng gubat kung saan siya dinala ng limang kalalakihang

pawang

lulong sa ipinagbabawal na gamot. Hindi sapat ang kadiliman para itago ang hilakbot sa mukha ni Adela sanhi ng matinding takot na kanyang narararmdaman.

“Maawa kayo sa akin… Maawa kayo…” umiiyak na sabi niya. Umaasa siyang maliligtasan pa rin niya ang nakaambang panganib.

Napuno ng malalakas na halakhakan ang paligid. Ang mga lalaking kasama niya ay tila walang nakikilalang habag.

’Ako ang mauuna!“ sigaw ng isa na tumatayong leader sa grupo. “Bahala na kayo kung sino sa inyo ang susunod. Basta ako dapat ang mauuna,” dugtong pa nito.

“Huwag! Maawa ka sa akin. Pauwiin n’yo na ako…” Walang hinto ang kanyang pagmamakaawa sa mga lalaking nagbingi-bingihan sa kanyang panaghoy.

Nilapitan siya ng leader at mariin na hinawakan ang kanyang mukha. “Maganda ka. Napakaganda mo kahit liwanag lang ng buwan ang tanglaw sa mukha mo,” sabi pa nito kasunod ang isang nang-iinsultong halakhak.

Nandiri si Adela nang biglang sinunggaban siya ng mariin na halik ng lalaki na halos ikapugto ng hininga niya. Pilit niyang itinulak ang buhong pero walang silbi ang mahina niyang katawan sa lakas ng lalaking lumalapastangan sa kanya.

Pero buo pa rin sa kanyang loob ang lumaban at ipagtanggol ang pagkababae niyang gustong yurakan ng mga lalaking ganid sa laman. Sa pagnanais na maipagtanggol ang sarili, buong diin niyang kinalmot ang pisngi ng lalaki. Napaigtad ito sa sakit at tinigilan ang paghalik sa kanya pero isang malakas na suntok sa mukha mula rito ang nagpatilapon sa kanya sa damuhan.

Dinama ni Adela ang nasaktang mukhang pakiramdam niya ay nahati sa dalawa. Hindi pa siya nakakabawi sa sakit ay nakita niyang papalapit ang dalawang lalaki sa kanya. Impit na pagmamakaawa ang muling lumabas sa kanyang bibig. “Pakiusap, maawa na kayo sa akin. Hirap na hirap na ako…” Ang mga mata niya’y gusto pang umiyak pero wala na siyang maitangis.

Tila demonyo ang itsura ng dalawang lalaki nang makalapit kay Adela. Ang isa ay walang awa siyang hinila para maitayo samantalang ang isa naman ay humawak sa kanyang pang-itaas na damit na agad ring nawasak nang hilahin nito.

“Huwaaaaggg!” Hindi niya alam kung paano tatakpan ang nahubarang katawan na naglantad sa kanyang dibdib. Pinagsalikop niya ang kanyang mga braso para ikubli ang kanyang kahubaran na tila lalo pang nagpaulol sa mga lalaking nasa kanyang harapan.

Mas lumakas pa ang halakhakan ng limang lalaki. Lahat ay aliw na aliw sa palabas na sila rin mismo ang gumagawa.

Sa kawalan ng pag-asa ay biglang tumakbo si Adela papalayo sa mga lalaki. Pero mas lalo pang ginanahan ang mga buhong na wala nang kinikilalalang habag.

“Gusto niya ng habulan. Habulin natin! Pero ’wag n’yong kalilimutang ako pa rin ang mauuna sa kanya!” sigaw ng kanilang lider at saka ito humalakhak.

Nagkanya-kanyang takbo ang apat na lalaki para habulin si Adela. Abot-abot ang kaba ng dalaga pero pinilit niyang makatakbo nang mabilis kahit na ba walang sapin ang kanyang paa na paminsan-minsan ay nakakatapak ng matutulis na bagay na nagbibigay sa kanya ng ibayong sakit. Ngunit hindi na niya iyon iniintindi. Mas mahalaga para sa kanya na makalayo at matakasan ang mga halang ang kaluluwang alam niyang naroon lang sa kanyang likuran at patuloy siyang hinahabol.

Chapter 26

NANG mapatapat si Adela sa isang bahagi ng kagubatan na may matataas na damo ay pinilit niyang itago ang sarili rito. Pigil ang kanyang hininga habang nakasiksik sa damuhang iyon. Pinakikiramdaman niya ang paligid. Baka nasa tabi lang pala niya ang isa sa mga lalaking humahabol sa kanya. Muntik na siyang mapatili nang makita niya ang mga binti ng mga lalaking humahabol sa kanya na nasa kanyang harapan. Mabuti na lamang at nakakubli siya sa damuhan kaya hindi siya nakita ng mga ito.

“Wala siya rito! Hanapin n’yo! Hindi siya puwedeng makatakas!” rinig niyang sabi ng leader ng grupo. “Bilisan n’yo. Iihi lang ako.”

Nanlaki ang mga mata ni Adela nang bumagsak sa mukha niya ang ihi ng lalaki. Diring-diri siya pero ano pa ang magagawa niya? Kaunting kilos lang niya ay mapapahamak ang kanyang buhay kaya tiniis na lang niya ang kamalasang sinapit.

Hindi nagtagal ay natapos ding umihi ang lalaki at muling naglakad para hanapin si Adela.

“Nandito na ako! Magtago kang mabuti dahil lagot ka sa amin kapag nahuli ka!” sigaw nito.

Takot na takot si Adela. Kailangang makatakas siya. Hindi siya dapat makita ng mga lalaking ito. Hindi siya dapat mahuli!

Ilang sandali rin niyang pinakiramdaman ang paligid. Mukhang malayo na ang mga humahabol sa kanya. Puwede na siguro siyang lumabas sa pinagtataguan niya.

Dahan-dahan siyang tumayo. Palinga-linga siya sa paligid. Kailangan niya ng ibayong pag-iingat. Hindi siya dapat makita ng mga lalaking naghahanap sa kanya.

Maingat siyang lumabas sa pinagtataguang damuhan na nakatakip pa rin ang dalawang braso sa kanyang mga dibdib at tumakbo sa direksyong sa tingin niya ay saliwa sa direksyong pinuntahan ng mga naghahanap sa kanya. Kailangang makabalik siya kaagad sa bahay nila. Abot-abot ang kaba sa kanyang dibdib. Ramdam niyang may masamang nangyari sa kanyang ina.

Patuloy sa pagtakbo si Adela. Hindi niya inaasahan ang biglang paglitaw sa harap niya ng leader ng grupo. “Bulaga! Akala mo siguro’y matatakasan mo kami,” matigas na sabi nito.

Nagulat man ay hindi nasiraan ng loob si Adela. Bigla siyang pumihit patalikod upang takasan ang humarang sa kanyang daraanan pero wala na siguro sa kanyang kapalaran ang matakasan pa ang limang lalaking ito dahil heto at papalapit na rin sa kanya ang apat pang kasamahan ng leader ng grupo.

“Hindi mo na kami matatakasan pa,” sabi ng leader sa banayad na tinig. “Hawakan n’yo ’yan!” utos nito sa mga kasama.

Mabilis na kumilos ang apat at mahigpit na hinawakan si Adela. Ang dalawa ay humawak sa magkabilang kamay ng dalaga kaya malayang nalantad sa kanila ang dibdib nito samantalang ang dalawa pa ay hinawakan siya sa magkabilang paa.

“Bitiwan n’yo akoooo!” ubod-lakas niyang sigaw na halos ikapatid na ng litid niya sa leeg. Halos unbusin niya ang kanyang lakas sa pagpupumiglas pero ang pagod niyang katawan ay nanghihina na. Kahit siguro ano pa ang gawin niya ay hindi na talaga niya matatakasan ang kapahamakang dala ng limang buhong na lalaking ito.

Nakalapit na sa kanila ang leader ng grupo at walang sabi-sabing hinila nito ang suot na palda ni Adela. Bumagsak sa lupa ang nahubad na tanging suot ng babae. Kahit madilim ay hindi naikubli ng liwanag ng buwan ang kagandahan ng katawan ni Adela. Mas lalong nag-umulol ang limang lalaki nang makita nang buo ang kanyang kahubdan.

Tanging mga sinok at mahihinang paghikbi ang naririnig mula kay Adela. Wala na siyang lakas para lumaban pa. Wala na rin siyang lakas para umiyak. Wala na rin naming makaririnig ng kanyang pag-iyak… walang kahit sinong magliligtas sa kanya sa kamay ng limang demonyong nasa kanyang harapan.

“Ihiga n’yo siya,” utos ng leader sa kanyang mga kasama.

Agad na kumilos ang apat na lalaki at sapilitang inihiga sa damuhan si Adela malapit sa isang balon sa gitna ng kagubatang iyon. Kasunod niyon ay itinaas ng leader ang itim na telang nakatakip sa ulo niya at saka ibinaba ang zipper ng kanyang pantalon at kinubabawan ang kawawang babae.

Ipinagkatiwala na lang ni Adela sa Diyos ang kanyang kapalaran. Tahimik niyang iniluha ang kalapastanganang ginagawa sa kanya ng lalaking nakadagan ngayon sa kanyang katawan. Mariin niyang kinagat ang kanyang labi nang sa wakas ay magtagumpay ang buhong sa ginagawa nito.

Maya-maya pa ay umalis na sa ibabaw niya ang lalaki at habang inaayos ang suot na pantalon ay nagsabing, “Tapos na ’ko. Kayo naman.”

Iyon lang ang hudyat na hinihintay ng apat na lalaki. Tinanggal nila ang telang tumatakip sa kanilang mga mukha at kanya-kanya silang kilos para halayin si Adela. Ang isa ay humalik sa bibig ng dalaga. Ang dalawa ang nagpakasawa sa mga dibdib nito at si Nick ay walang awang kinuha rin ang pagkababae ni Adela.

Nang matapos si Nick ay isa-isa ring sumunod ang natitira pang tatlong mga lalaki. Bawat isa ay hinalay si Adela at nagpakasasa sa murang katawan nito. Tulala na ang babae nang kanilang tigilan. Halos hindi na ito gumagalaw bagama’t dilat ang mga mata nito.

“Anong gagawin natin sa kanya?” tanong ni Nick.

“Ano pa nga ba, eh ’di patayin!” sabi ng kanilang leader.

“Iwanan na lang kaya natin dito. Huwag na nating patayin. Hindi naman siguro magsusumbong sa mga pulis ’yan,” pahayag ni Nick.

“Gago ka ba? Nakita na niya ang pagmumukha natin. Kahit paano, maituturo niya tayo sa mga pulis. Gusto mong makulong?”

Napailing si Nick, sunod-sunod. “Ayoko…”

“H-huwaaagg… maawa kayo,” nanghihnang sabi ni Adela. Wala na siyang lakas para lumaban pa. Hindi na niya kayang tumakbo. Hindi na siya makakilos nang maayos dahil sa nararamdamang pananakit ng buo niyang katawan. “Pakawalan n’yo na ako… Hindi ako magsusumbong. Huwag n’yo lang akong papatayin,” pagmamakaawa pa niya.

Dumampot ng isang putol na sanga ng kahoy ang leader ng grupo at lumapit kay Adela.

“Huwaagg! Parang awa n’yo na…” Hindi na niya alam kung paano pakikiusapan ang mga lalaking bumaboy sa buo niyang pagkatao. “Maawa na kayo sa akin…”

Iniumang ng lalaki ang hawak na sanga at buong lakas na hinampas sa ulo ang kawawang babae.

Hindi na nakasigaw pa si Adela sa bilis ng pangyayari. Kumalat sa damuhan ang dugong umagos mula sa kanyang ulo.

Bumaling ang leader sa iba pa nilang mga kasama. “Kayo, buhatin n’yo ’yan!” utos niya sa mga ito.

Walang pag-aalinlangang binuhat ng apat na mga lalaki ang hubad at walang buhay na katawan ni Adela. Ang dalawa ay hinawakan siya sa magkabilang kamay habang ang dalawa pa ay humawak sa magkabila niyang paa.

“Anong gagawin namin sa kanya?” tanong ng isa sa mga lalaki.

Sumagot ang leader nila, “Ayan ang balon, ihulog n’yo siya diyan. ’Yan na ang magiging libingan niya!”

Mabilis na kumilos ang apat na lalaki. Inihulog nila sa balon ang babaeng naging biktima ng kanilang karahasan.

Chapter 27

Pagkalipas ng tatlong araw ay saka lang nakita ni Didong ang ate niya na isa ng malamig na bangkay. Inihulog ito ng mga kriminal sa balon na nasa gitna ng kagubatan kung saan sila sumasalok ng tubig. Sa tulong ng mga tagaroon sa isla ay naipalibing ang ate niya pero wala siyang sinabing ano man tungkol sa naging dahilan kung bakit nasa loob ng balon ang kapatid niya. Siguro ay may haka-haka rin ang iba pero walang nagtangkang maghalungkat pa ng totoong nangyari dahil wala na rin namang magagawa pa para ibalik ang buhay ng isang namatay. Pero pagkalipas ng ilang buwan, kumalat sa isla ang balita na namatay ang isang lalaki ilang araw pagkatapos nitong mapulot ang isang rosaryo sa gubat. Nasundan pa iyon ng pagkamatay rin ng iba pang mga tagaroon sa isla na pawang naging may-ari ng parehong rosaryo at maging ang mga humawak lang dito ay namamatay rin kaya kumalat sa isla ang kuwentong may sumpa ang rosaryo. Kaya dumating ang panahon na walang taga-Isla Maranlig ang humahawak sa kahit ano pa mang klase ng rosaryo sa takot na baka iyon ang isinumpang rosaryo. Dahil doon ay naputol nang panandalian ang mga namamatay dahil sa isinumpang rosaryo. Hanggang sa tila nakalimutan na ng mga tao ang tungkol dito at kailan lang ulit nanariwa sa kanilang mga isipan nang may mamatay na namang muli dahilan sa paghawak o pagmamay-ari sa isinumpang rosaryo.

Alam ni Didong na hindi hihinto ang isinumpang rosaryo sa pagkuha ng mga kaluluwa hanggang may natitira pang buhay sa mga kriminal na lumapastangan sa kanyang ina at kapatid.

NANG mga oras na iyon ay nilulukuban ng kakaibang takot si Iskang Isda. Ano itong nakikita niyang kaliskis na parang balat ng ahas na tumutubo sa kanyang braso? Ganito ba ’yong sinasabi dati ni Helen na tumubo raw sa dibdib ni Kyte? Kinilabutan ang matandang babae nang maalala ang nangyari sa bata nang gabing iyon. Isa pang ikinababahala niya ay ang mga pangitaing nakita niya kahapon. May nakita siyang dagang nangangaral ng salita ng Diyos. Hindi ba at naghahanap sa kanya ng daga sina Helen at Nathan para raw maputol ang sumpa? Kung ganoon, napunta na rin ba sa kanya ang sumpa dahil sa paghawak niya sa isinumpang rosaryo noong sinaniban siya ng isang masamamng espiritu?

Mamamatay na rin ba siya gaya ng iba pang humawak sa isinumpang rosaryo?

Napaantanda siya at lumuhod sa sahog at saka idinipa ang dalawang braso. “Diyos ko! Ayoko pang mamatay. Huwag mong hayaang kumapit sa akin ang sumpa. Wala akong ginawang kasalanan sa sinuman. Maawa ka sa akin, Panginoong Diyos!” umiiyak niyang panalangin.

Sa labas ay malakas ang buhos ng ulan na tila ba nakikiiyak sa kanya ang langit.

Biglang namatay ang ilaw sa loob ng bahay ni Iska. Sumabog pa ang mga bumbilya. Napatili siya sa takot at pagkagulat. Hangos siyang napatayo at tumakbo sa hindi maintindihang direksyon.

“Saklolo! Tulungan ninyo ako, mga kapitbahay! Tulungan ninyo ako!” sigaw niya pero ang lakas ng kanyang boses ay nilamon lang ng malakas na buhos ng ulan.

Sa katatakbo niya ay natapilok siya sa isang matabang bagay na nakaharang sa sahig na ’di niya nakita dahil sa dilim ng kabahayan. Natumba si Iska. Bumagsak siya sa bagay na naging dahilan ng kanyang pagkakatumba.

Tinangka niyang bumangon pero hindi siya agad nakakilos nang Makita niya ang tila dalawang umiilaw na bagay sa dilim. Kasunod niyon ay nakarinig siya ng isang pamilyar na tunog. Parang huni ng isang uri ng hayop. Parang… huni ng…

Ahas?

Napabalikwas siya ng bangon at agad na lumayo sa inaakala niyang ahas. Nakita niyang gumalaw ang dalawang madilaw na bagay na umiilaw sa dilim. Lalo na siyang nanginig sa matinding takot.

Papalapit ang mga ito sa kanya kasabay ang patuloy na paghuni na sa dinig niya ay mas lumalakas!

Pinanindigan siya ng balahibo nang maisip kung ano ang dalawang madilaw na bagay na iyon.

Mata! Mata ng ahas!

Tatakbo sana siya pero bigla niyang naramdaman na may pumulupot sa kanyang mga binti na naging dahilan para siya ay matumbang muli. Nakumpirma niya ang kanyang hinala. Ahas nga ang ngayon ay nakapulupot sa mga binti niya!

“Tulong! Tulooooonggg!!!” Naramdaman niyang humihigpit ang pagkakapulupot sa kanya ng ahas. Umakyat pa ang pulupot nito sa kanyang katawan hanggang halos hindi na siya makagalaw. Halos panawan na siya ng ulirat nang makita niyang sobrang lapit na sa kanyang mukha ng dalawang mata ng ahas. Nadilaan na rin nito ang kanyang pisngi na lalo pang nagpatindi sa kilabot na gumapang sa kanyang katawan. Hindi na nagawa pang sumigaw ni Iskang Isda nang may maramdaman siyang tila karayom na bumaon sa gilid ng kanyang leeg. Kasunod niyon ay bigla siyang nangisay at lumungayngay ang katawan niyang wala nang buhay.

MALAKAS pa rin ang buhos ng ulan. Hindi pa rin umaalis sina Helen sa punong kanilang pinagkukublihan.

“Wala na akong pag-asa,” malungkot na sabi ni Helen. Ilang oras na lang, ika-labintatlong araw na mula nang mahawakan ko ang rosaryo. Dito na ako mamamatay sa gubat na ito.“

“Huwag mong sabihin ’yan. Nalagpasan mo nga ang labingdalawang araw. Isa na lang at ligtas ka na sa sumpa. At kung hindi ka man makaligtas, sigurado na ring susunod kami sa’yo ni Kyte pagkalipas ng ilan pang araw. Magsasama-sama pa rin tayo sa kabilang buhay.” Niyakap ni Nathan ang nobya. Alam niyang matapang si Helen at hindi ito basta-basta susuko.

“Tita Helen, I love you po…” Napangiti si Helen sa sinabi ni Kyte. Kinabig niya ang ulo ng bata at niyakap din ito.

“Lumabas na kayo! Wala na kayong pagtataguan. Hindi ninyo ako matatakasan!” Umalingawngaw sa gubat ang sigaw ni Didong Daga.

“Huwag tayong maingay,” bulong ni Helen.

Nagsimula na namang umusal si Didong Daga ng panalangin. “Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing…”

Nararamdaman nilang tatlo na papalapit na sa kanila si Didong Daga.

“Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya naman ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay…”

Biglang itong humalakhak. Malakas na malakas. “Inilibing! Dito ko kayo ililibing!” Hindi matapos-tapos ang paghalakhak ni Didong Daga. “Sumasampalataya ako!!!”

Pagkatapos ay biglang hindi na naman ito nagsalita. Nasaan na siya? Kailangang maging mas matalas ang pakiramdam nilang tatlo. Teritoryo ni Didong Daga ang gubat. Kabisado nito ang lugar gaano man kadilim ang gabi.

Halos magsiksikan silang tatlo sa pagkakaupo nila sa gilid ng malaking punong iyon. Kung puwede lang nilang tiklup-tiklupin ang kanilang mga katawan ay ginawa na sana nila para siguruhing hindi sila makikita ni Didong Daga na nagtatago sa likod ng punong ito.

“Heto na ako! Malapit na ako… Alam ko na kung nasaan kayo… Nandiyan na ako!”

Pigil ang hininga ni Helen. Papalapit nang papalapit ang boses ni Didong Daga. Alam niyang malapit na silang makita nito sa pinagtataguan nila.

Malapit na talaga ang kanilang katapusan!

UMAAKYAT na sa bundok sina Carlos, Master Jaime at Nicandro. Hawak ni Carlos ang isang flashlight. Madulas at madilim na kaya hindi naging madali sa kanila ang pag-akyat. Lalo pa at kasama nila si Nicandro na sitenta na ang edad. Sinabihan nga nila ito na maiwan na lang sa paanan ng bundok at bantayan ang motorsiklo, pero nagpumilit pa rin itong sumama sa kanila sa pagpunta sa kubo ni Didong Daga sa Kadawagan. Wala silang kamalay-malay sa aabutan nila sa kagubatan.

Nang sapitin nila ang batis ay mas malaking problema ang kinaharap nila. Dahil umuulan ay mas malakas ang agos nito at mas malalim na ang tubig.

“Kakayanin natin, ’Tay!” sigaw ni Carlos sa ama. “Lolo, ako ang hahawak sa’yo. “Tay, dito ka sa kaliwa ko, ako rin ang hahawak sa’yo. Ikaw ang magdala nitong flashlight. Tibayan n’yo ang mga tuhod n’yo. Dahan-dahan lang sa paghakbang. Malakas ang agos at madulas ang mga bato. Kailangan nating mag-ingat.”

Nagsimula silang tumawid sa batis na hanggang baywang nila ang tubig. Ang matinding determinasyon nila ang nangibabaw sa ganoon kadelikadong sitwasyon. Nakatawid sila sa batis nang ligtas at walang anumang balakid.

Dalaw

ang

chapters

na lang!

Chapter 28

GINIGINAW na sina Kyte at Helen dahil patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan. Napansin ni Helen na yukong-yuko si Nathan habang nagtatago sila sa likod ng malaking puno.

“Nathan, umalis na tayo rito. Papalapit na sa atin si Didong. Mahirap nang makita niya tayo rito. Mapapatay niya tayong lahat,” sabi ni Helen kay Nathan ngunit hindi ito umiimik.

Hinawakan niya sa balikat ang nobyo. Dahan-dahan itong nag-angat ng mukha.

Muntik nang mapasigaw si Helen kung hindi lang niya natakpan ang kanyang bibig. Pero si Kyte ay walang pakialam na sumigaw sabay tayo at agad na nagtatakbo nang makita ang itsura ng tiyuhin.

Umiilaw sa sobrang pagkadilaw ang mga mata ni Nathan. Kitang-kita sa dilim ang talim ng mga tingin nito. At sa bibig nito ay may tumatagas na likido.

“Nathan, anong nangyayari sa’yo?” Titig na titig siya sa nobyo. “Diyos ko, ikaw naman ang sinaniban ng masamang espiritu!”

“Whoaaarrr! Gwaaarrrkkk!” Umatungal si Nathan at pagkatapos ay umangat ang mga kamay nito at itinulak si Helen. Tumilapon ang babae sa damuhan.

“Tita Helen!” sigaw ni Kyte na magkahalo ang nararamdamang awa kay Helen at takot sa itsura ng kanyang Tito Nathan.

Narinig ni Didong Daga ang komosyong nagaganap sa kanilang tatlo. “Nandiyan pala kayo! Papunta na ako diyan!” parang nababaliw na sigaw nito.

Pinilit ni Helen na makabangon kaagad. Kahit may nararamdamang sakit sa katawan sanhi ng pagkakatulak sa kanya ni Nathan ay tinakbo niya si Kyte at hinawakan sa kamay sabay hila rito patakbo papalayo kay Nathan.

Isang matalim na kidlat ang gumuhit sa dilim at tumama sa isang puno na naging dahilan para umapoy ito.

Takot na takot si Kyte. Lumiko sila sa gawing kaliwa para iwasan ang umaapoy na puno.

Nang lumingon si Helen sa likuran ay nakita niyang kasunod lang nila si Nathan. Nakita rin niya sa likuran ni Nathan si Didong Daga. Napahinto sila ni Kyte sa pagtakbo.

“Huli kayo!” sigaw ni Didong Daga at itinutok nito ang baril kay Nathan.

“Huwaaaaggg!!!” sigaw ni Helen.

NARATING na nina Carlos ang kubo ni Didong Daga. Bumulaga sa kanila sa labas ng kubo ang bangkay ng isang lalaki na kaagad din namang nakilala ni Carlos.

“Romano!” hindi makapaniwalang sabi niya. “Patay na si Romano, ’Tay! Anong nangyari rito? Nasaan sina Helen at ang mga kasama niya?”

“Kailangan nating magmadali. Baka wala na tayong maabutang buhay,” sabi ni Master Jaime.

“Dito tayo dumaan,” turo ni Nicandro. “Natatandaan ko pa ang lugar na ito kahit matagal na panahon na ang lumipas.”

Nakarinig sila ng putok ng baril. Hindi sila maaaring magkamali, malapit lang iyon sa kinaroroonan nila.

Mabilis na nagpasya si Carlos. Binunot niya ang dalang baril at saka ikinasa. “Dito tayo! Dito nanggaling ang putok ng baril.” Patakbo nilang ginalugad ang kagubatan para mapuntahan ang lugar kung saan nagmula ang putok.

Magkakasunod silang tumatakbo. Nasa unahan si Carlos dala ang flashlight na tanglaw nila sa daan. Kasunod naman si Master Jaime at nasa hulihan si Nicandro.

ANG bala ng baril ay naglagos sa braso ni Nathan. Umagos ang masaganang dugo sa braso ng lalaking sinaniban ng masamang espiritu subalit hindi niya ito ininda. Nilingon nito ang pinanggalingan ng putok at saka hinarap ang lalaking nasa harapan na niya ngayon.

Muling itinutok ni Didong Daga ang baril kay Nathan. Mas malapit na ang lalaki sa kanya ngayon. Hindi na siya sasablay. “Patay ka ngayon!”

“Huwag, Didong!” sigaw ni Helen. “Huwaaag!”

“Tito Nathan!”

Kinalabit ni Didong Daga ang gatilyo ngunit hindi na ito pumutok. Ubos na ang bala nito.

Nakahinga nang maluwag si Helen. Para siyang nabunutan ng malaking tinik sa dibdib.

Pero hindi pa tapos ang bangungot!

Humakbang si Nathan papalapit kay Didong Daga.

Nagulat si Didong nang makita si Nathan sa malapitan. Bakit madilaw ang mga mata nito at naglalabas ng likido sa bibig? Para itong asong nauulol na tumutulo ang malapot na laway.

Itinapon ni Didong ang baril at humanda sa pagsugod ni Nathan. Mahigpit niyang hinawakan ang dalang piko. Pero nagulat siya nang hindi ito tumuloy sa paglapit sa kanya. Ang ipinagtataka pa niya ay tila natigilan ito at titig na titig lang sa kanya.

Anong nangyayari?

“Didong! Bitiwan mo ang dala mong piko!” Mula sa likuran ay sumulpot sina Carlos at ang mga kasama nito.

“Carlos!” Nakatanaw ng pag-asa si Helen. Pero nakita niya si Nathan na pasugod naman sa kanya.

Nabaling ang atensyon ni Didong sa mga bagong dating. Sinugod niya si Carlos na ang intensyon ay ibaon sa katawan nito ang dalang piko.

Pero bago pa siya makalapit sa sundalo ay nagpaputok ito sa damuhan.

“Hanggang diyan ka na lang, Didong. Isang hakbang pa at tatama na ang bala sa katawan mo,” babala ni Carlos sa lalaking tila wala na sa sariling pag-iisip.

Si Didong ay parang isang sundalong nasugatan. Mas tumapang. Handa nang pumatay. At mamatay!

Hindi inaasahan ni Carlos ang biglang pumagitna ang kanyang lolo. “Didong! Ako ito, si Nicandro! Isa ako sa mga lalaking pumasok sa bahay n’yo. Isa ako sa mga lumapastangan sa ate mo. Didong, patawarin mo ako. Patawarin mo ako sa nagawa namin sa’yo at sa pamilya mo. Alam ng Diyos na pinagsisihan ko na ’yon, Didong, matagal na. Hindi ako pinatahimik ng konsensya ko dahil sa ginawa namin sa inyo,” lumuluhang pahayag ni Nicandro. “Patay na lahat ang mga kasama ko noong gabing iyon. Pinagbayaran na nila ang krimeng ginawa namin nang sabay-sabay silang mamatay sa isang aksidente. Ako na lang… Ako na lang ang natitirang buhay sa aming lima.”

“Ikaw?” hindi makapaniwalag tanong ni Didong Daga. Araw-araw siyang nasa poblasyon. Tagaroon lang pala ang isa sa mga pumatay sa pamilya niya. “Ikaw pala… Bakit n’yo ginawa ’yon sa nanay ko at ate ko? Bakit n’yo ginawa sa amin iyon? Wala kaming ginawang kasalanan sa inyo! Hindi n’yo dapat pinatay ang nanay at ang ate ko!” Hindi na nakayanan ni Didong ang kinikimkim na emosyon at tuluyan na siyang napabunghalit nang iyak. “Napakasama n’yo. Napakasama n’yong lahat! Dapat ka ring mamatay!”

Hawak pa rin nang mahigpit ang piko ay biglang tumakbo si Didong Daga at sinugod si Nicandro.

Napaatras si Nicandro nang itaas nito ang kamay na may hawak na piko at humanda para ibaon iyon sa kanyang katawan.

Hindi nag-aksaya ng oras si Carlos. Isa pang putok ang pinakalawan niya na naglagos sa tagiliran ni Didong. Napaluhod si Didong na iniinda ang tama ng bala sa kanyang katawan.

“Pagbabayaran n’yo ang ginawa n’yo sa pamilya ko. Buhay n’yo ang kapalit sa kalapastangan n’yo sa nanay ko at sa ate ko. Wala kayong awa! Hindi kayo tao! Mga hayup kayo!” puno ng galit na sigaw niya sa mga kaharap.

Nakadama ng awa si Carlos para kay Didong Daga.

“Carlos!” tawag sa kanya ng ama na agad naman niyang nilingon. Nawala ang atensyon niya kay Didong Daga.

Sinamantala iyon ni Didong Daga. Muli siyang tumayo at sa isang mabilis na kilos ay nagawa nitong itarak ang piko sa dibdib ng nabiglang si Carlos na hindi na nagawang makapagpaputok muli dahil sa hindi inaasahang pagkilos ng kalaban. Bumagsak siya sa damuhan nang nakabaon pa rin sa katawan niya ang piko at katabi ang nabitiwan niyang baril.

May isang chapter pa. Promise!

Chapter 29

“CARLOS!” Tumakbo si Master Jaime para tulungan ang duguang anak.

Muling sumugod si Didong at si Nicandro na ang puntirya nito ngayon. “Papatayin kita!”

Napaurong sa takot si Nicandro. Isang tumpok ng mga tuyong dahon ang natapakan niya. Hindi niya inaasahang ang mga tuyong dahon na iyon ay may tinatakpang isang malaking butas.

“Kitang-kita ni Master Jaime nang mahulog sa butas ang kanyang ama. “’Tay!”

“Aaaahhhhh!!!” Tuloy-tuloy na nahulog si Nicandro sa butas na isa palang patay na balon. Paupo siyang bumagsak sa ilalim ng balon. Mabuti na lamang at maraming tambak na mga tuyong dahon sa ilalim ng balon kaya hindi siya gaanong nasaktan.

Samantala, sinikap ni Helen na makatakbo kasama si Kyte pero parang mas mabilis kumilos si Nathan kaysa sa kanya. Patuloy ang pagtulo ng berdeng likido sa bibig nito at umiilaw pa rin sa dilim ang madilaw nitong mga mata.

Namalayan na lang ni Helen na nasa unahan na nila ang lalaki at nakaumang na ang kamay nito para siya ay sakalin.

Nakaramdam ng sakit si Helen nang dumiin sa kanyang leeg ang dalawang kamay ni Nathan. Mahigpit ang pagkakasakal sa kanya ng nobyo at alam niyang kayang-kaya siyang patayin nito. Humahagok pa ito habang siya ay sinasakal.

“Aaakkk! N-nathan… Bit—tiwan…” Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil mas dumiin pa ang pagkakasakal sa kanya ng lalaki. Sinikap niyang sipain ito pero parang balewala lang kay Nathan ang ginawa niya.

“Tito Nathan, bitiwan mo si Tita Helen. Bitiwan mo po siya!” Pinagsusuntok ni Kyte ang katawan ng tiyuhin pero hindi naman ito iniinda ng lalaki.

Halos maputulan na ng hininga si Helen. Nagsilabasan na ang ugat sa kanyang sentido sa pagpipigil niya ng kanyang paghinga. Sinikap niyang alisin ang kamay ni Nathan sa pagkakasakal sa kanya pero lubhang mapuwersa ang lalaki.

Ito na ba ang katapusan niya?

Dito na siya mamamatay.

Napakasakit lang na ang lalaking mahal na mahal niya ang siya palang papatay sa kanya.

Tumulo ang luha sa mga mata ni Helen at umagos sa kanyang pisngi.

Ubod-lakas na kinagat ni Kyte ang hita ni Nathan.

Parang nakaramdam ng kagat ng langgam ang lalaki kaya sandali niyang binitawan si Helen at hinarap ang paslit.

Halos masuka si Helen sa pagsagap ng hangin nang bitiwan siya ni Nathan. “Tulong… Tulong!” nanghihinang sabi niya.

Isang malakas na suntok ang ibinigay ni Nathan sa pamangkin na nagpawala dito ng malay at ang katawan nito ay lumatag sa damuhan.

KINUHA ni Master Jaime ang flashlight na gamit kanina ni Carlos at sinubukang ilawan ang ilalim ng balon, pero hindi niya makita ang pinakailalim nito.

“Tatay! ’Tay, naririnig mo ba ako?” sigaw ni Master Jaime. Wala na siyang ibang nasa isip ngayon kundi ang kaligtasan ng kanyang amang si Nicandro.

“Tulungan n’yo ako! Jaime! Iahon n’yo ako rito!” sigaw ni Nicandro na nasa ilalim ng balon. Nasulyapan niya si Didong na ngayon ay papalapit na rin sa kanya.

Mabilis niyang tinakbo ang baril na nasa tabi ni Carlos at agad iyong itinutok kay Didong na ngayon ay nasa gilid na ng patay na balon.

“Hanggang diyan ka na lang, Didong! Isang kilos mo pa, hindi ako magdadalawang-isip na patayin ka!”

“Hindi ninyo ako matatalo!” sigaw ni Didong Daga. “Habang may nabubuhay pa sa mga kriminal na lumapastangan sa ina ko at kapatid, hinding-hindi matitigil ang pagkamatay sa lahat ng magmamay-ari sa isinumpang rosaryo, o kahit na humawak man lang dito. Magbabayad sila ng buhay nila sa ginawa nilang kasamaan sa nanay at ate ko,” humahagulgol na sabi niya. “Masasama kayong mga tao! Walang kasalanan sa inyo ang Nanay Carmen at Ate Adela ko. Pero pinatay n’yo sila!”

“Patawarin mo na sila, Didong.”

“Hindi! Kailangang mamatay ang natitirang lalaking pumatay sa pamilya ko. Kailangang mamatay si Nicandro. Kung kailangang samahan ko siya hanggang sa impiyerno ay gagawin ko mabigyan ko lang ng katarungan ang nanay ko at ang kapatid ko!”

Hindi inaasahan ni Master Jaime nang bigla itong tumalon sa patay na balon.

Bumagsak ang katawan ni Didong Daga sa nakatayong si Nicandro na nabuwal nang madaganan niya.

“Dito ninyo hinulog ang ate ko pagkatapos ninyo siyang gahasain at patayin. Dito ka na rin mamamatay, Nicandro!”

Hindi na nag-aksaya ng sandali si Didong Daga. Mabilis niyang sinakal ang matandang lalaking naging dahilan ng napakasakit na trahedya sa kanyang buhay.

“Mamatay ka, Nicandro! Mamatay ka!” Gigil na gigil si Didong Daga. Buong lakas ay ibinigay niya para siguruhing hindi na makakatakas sa kanya si Nicandro.

“Huwaaag! Aaahhhhhhh!” Pumuno sa loob ng patay na balon ang sigaw ni Nicandro.

“Tatay!!!” Lubos ang pag-aalala ni Master Jaime, pero wala naman siyang magawa. “’Tay! Didong, anong ginagawa mo sa tatay ko?” sigaw niya sa mga nasa ibaba ng patay ng balon.

“T-tu—long! Jai— Aaaagghh!”

“Papatayin kita, Nicandro! Papatayin kita! Pagbabayaran mo ang mga ginawa mo sa pamilya ko!” Matinding galit ang nakarehistro sa mukha ni Didong. Wala nang makapipigil pa sa kanya para bigyan ng katarungan ang sinapit ng kanyang nanay Carmen at Ate Adela.

NASA walang malay na si Kyte pa rin ang atensyon ni Nathan na nasa ilalim pa rin ng masamang espiritung lumukob sa katawan nito. Maya-maya ay bumaling itong muli kay Helen na hindi pa man nakakabawi ay may naramdamang kakaiba sa kanyang bulsa kung saan naroon ang isinumpang rosaryo.

Dinukot ni Helen ang rosaryo sa kanyang bulsa nang maramdaman niyang umiinit na naman ito. At saka niya nasulyapan ang kanyang relong pambisig. Limang minuto na lamang bago mag-hatinggabi.

Ginapangan siya ng kakaibang kilabot sa kanyang katawan.

Malapit na siyang mamatay!

Hindi niya nailagan ang muling pagsalakay ni Nathan. Sinakal siya nito nang walang pag-aalinlangan. Ngayon ay mas lalo pang humigpit ang pagkakasakal nito sa kanya.

“Tulong! T-tulooong!” Pinilit ni Helen na sumigaw.

Narinig siya ni Master Jaime pero hindi nito malaman kung sino ang unang tutulungan. Ang ama ba nito o si Helen?

Patuloy sa pag-init ang rosaryo hanggang hindi na niya makayanang hawakan ito.

Nabitiwan niya ang rosaryo at bumagsak ito sa lupa. Isang dilaw na usok ang lumabas mula rito. Nagpaikot-ikot sa ere ang dilaw na usok at pagkatapos ay tila may isip itong lumipad papunta sa balon.

Kitang-kita ni Master Jaime kung paanong naglakbay papunta sa ilalim ng balon ang dilaw na usok. Hindi siya makapaniwala sa nakikita.

“Jaime! Tu—lungan mo a—ko!”

Paano ba niya matutulungan ang kanyang ama? Hindi siya puwedeng basta na lang bumaril sa ilalim ng balon. Baka hindi si Didong ang matamaan niya kung hindi ang kanyang ama.

Sa huli ay nagpasya si Master Jaime. Tinakbo niya ang kinaroroonan ni Helen at itinutok ang baril kay Nathan. Pero agad din siyang natigilan. Papatayin ba niya ang lalaki gayong sinaniban lang ito ng kung anong masamang espiritu?

Kailangan niyang magdesisyon!

Ngayon!

Ipinutok niya ang baril at tumama ito sa balikat ni Nathan ngunit parang walang sakit itong naramdaman gayong umagos ang dugo nito sa bahaging pinaglagusan ng bala. Nilingon siya nito pero hindi nito binitiwan si Helen na halos mapugto na ang hininga. Nakita ni Master Jaime ang umiilaw sa pagkadilaw na mga mata ni Nathan.

Muli niyang itinutok dito ang baril sa lalaki.

Sa ilalim ng balon ay biglang sumalpak sa mukha ni Nicandro ang kulay dilaw na usok at pumulupot sa kanyang leeg papunta sa buo niyang katawan. Tila ito matibay na lubid na sumakal nang mahigpit sa leeg ni Nicandro habang ang isang dulo naman ng usok ay pilit na pumasok sa bibig ng matandang lalaki. Ngayon ay dalawa na ang gustong pumatay sa kanya. Si Didong Daga at ang dilaw na usok!

“Saklolo! Tulungan n’yo ako! Aaakkk…” Kinakapos na siya sa hangin.

Ganoon din si Helen. Nagdidilim na ang tingin niya sa paligid. Alam niya, bibigay na siya. Konting-konti na lang…

Limang segundo bago mag-hatinggabi.

Apat na segundo.

Tatlo…

Dalawang segundo…

Muling pumutok ang baril at tinamaan sa hita si Nathan.

Hindi na kinaya ni Nicandro ang higpit ng pagkakasakal ni Didong Daga at ng dilaw na usok. Sumuko na ang matanda niyang katawan sa puwersa ng tao at ng isang hindi niya nakikitang elementong gustong pumatay sa kanya.

Isa.

Nagdilim ang lahat kay Helen. Kasunod ng pagbagsak niya sa damuhan ay bumagsak din si Nathan.

The End

A uthor’s Note:

At diyan po nagwawakas ang kuwento nina Helen, Nathan, Kyte at ng isinumpang rosaryo. Iniiwan ko sa inyong mambabasa ang tanong kung ano ang nangyari sa mga tauhan. Maraming salamat sa inyong pagsuporta sa kuwentong ito.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.