Drafting Our Forever | Boyslove
hydebluebird · 9 chapters · 11,224 words
Disclaimer
Attention:
This story and my other stories are just from my imagination. This is not reflected in anything or anyone. This is just the work of imagination.
Disclaimer:
All Characters, Organizations, Cases, Incidents, and Places in this story are Fictitious.
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales, and incidents are either the products of the author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Reminder:
This story contains a lot of inappropriate words and actions in short there’s an SPG ( Strict Parental Guidance).
About Flaws :
Do not expect my stories to have good grammar all the time or spellings, and it has many errors. But I did my best so please bear with me.
Thank you and Enjoy! God Bless you all! Always be kind.
Synopsis
Para kay Jace Joaquin Alcantara , ang buhay ay isang serye ng mga linyang kailangang tuwid at mga sukat na kailangang perpekto. Bilang isang Architecture student na nagbubuhat ng bigat ng pamilya at naghahabol ng scholarship, wala siyang oras para sa mga distractions lalo na sa pag-ibig. Ang puso niya ay parang blueprint nakaplano, may structural support, at bawal magkamali.
Ngunit ang maingat niyang binuong mundo ay biglang nayanig nang pilit siyang iparehas kay Theodore James “Theo” Santos , ang sikat, charismatic, at pasaway na Captain ng Civil Engineering Basketball Team, para sa isang major design-build capstone project. Si Theo ay kabaligtaran ng lahat ng gusto ni Jace maingay, spontaneous, at tila hindi seryoso sa buhay.
Habang pinipilit nilang tapusin ang mga blueprint sa gitna ng mga magdamagang puyatan, kape, at breakdown, unt-unting matutuklasan ni Jace ang mga sugat sa likod ng mga ngiti ni Theo at si Theo naman ang magiging tanging sandigan ni Jace sa mga sandaling guguho ang kanyang sariling pundasyon. Kaya nga ba nilang i-draft ang isang “forever” kung ang kasalukuyan nila ay puno ng takot, pressure ng pamilya, at mga linyang hindi magkatagpo?
Prologue
May mga gabi na ang ingay ng lungsod ay hindi sapat para patahimikin ang utak mo.
Nakatitig si Jace sa monitors ng computer sa Arki Studio, alas-tres na ng madaling araw. Amoy sigarilyo, natapon na kape, at tuyong watercolor ang paligid. Sa tabi niya, may nakakalat na piraso ng tracing paper na puno ng mga buradong linya. Pagod na siya. Pagod na pagod na ang katawan niya, pero mas pagod ang puso niya. Sa mundong ito, kapag nagkamali ka ng isang guhit, kailangan mong burahin at ulitin sa simula. Sana ganoon din kadali ang buhay. Sana pwedeng burahin ang mga pagkakamali ng nakaraan gamit lang ang isang puting pambura.
“Jace…”
Isang pamilyar, malalim, at paos na boses ang sumira sa katahimikan ng gabi. Hindi kailangang lumingon ni Jace para malaman kung sino ’yun. Ang amoy ng panlalaking pabango na may kaunting simoy ng hangin, amoy na unt-unting naging pamilyar sa kanya sa nakalipas na mga buwan. Lumapit si Theo, bitbit ang dalawang baso ng kape mula sa 7-Eleven. Ang mga mata nito, na madalas ay puno ng ningning at tawa, ay may bakas ngayon ng matinding pagod at lungkot.
“ Bakit nandito ka pa? Tapos na ang training niyo, ’di ba?“ malamig ang tono ni Jace, pero may kaunting panginginig na hindi niya maitago.
“Hindi ko kayang iwan ka rito mag-isa, “ bulong ni Theo, sabay lapag ng kape sa gilid ng mesa. Umupo ito sa bakanteng stool sa tabi niya, sapat na malapit para maramdaman ni Jace ang init ng katawan nito. “At saka… alam kong kailangan mo ng taga-compute ng loads mo. Baka mag-collapse ’tong building na dinesenyo mo kapag wala ako.”
“Kaya ko mag-isa, Theo. Sanay ako na mag-isa,” sagot ni Jace, pilit na ibinabalik ang kanyang mga pader.
Humarap sa kanya si Theo. Dahan-dahan nitong iniabot ang kamay nito, marahang hinawakan ang nanginginig na daliri ni Jace na nakahawak pa rin sa mechanical pencil. Ang hawak na ’to mainit, magaspang, ngunit puno ng pag-iingat ang nagpabagsak sa lahat ng depensa ni Jace.
“Alam kong kaya mo,” bulong ni Theo, habang nakatitig nang diretso sa mga mata ni Jace . “Pero Jace… hindi mo kailangang laging mag-isa. Nandito ako. Hayaan mo naman akong maging pundasyon mo kapag pagod ka na.”
Sa sandaling iyon, sa ilalim ng malamig na ilaw ng fluorescent lamp, napagtanto ni Jace Ang pag-ibig pala ay hindi parang arkitektura. Hindi ito kailangang maging simetriko. Hindi ito kailangang maging perpekto. Minsan, ang pinakamagandang istraktura ay ang isa na binuo sa gitna ng magulo, basag, at hindi planadong pagkakataon.
Kabanata 1
[A/n:] Dahil first year college na ako sa July balik tayo sa mga university love story hshshs
Architecture × Civil Engineering 🫶🏻🫶🏻😍
♡(> ਊ <)♡
“Tangina”
“Tangina naman, oh. Bakit ngayon pa?”
Madiing idiniin ni Jace ang dulo ng kanyang 0.5 mechanical pencil sa tracing paper. Sa sobrang gigil niya, dinala ng manipis na carbon ang bigat ng stress niya * paktak . Nabali ang dulo ng lead. Lalong kumunot ang noo niya, halos magsalubong na ang dalawang makakapal niyang kilay habang pinapanood ang maliit na piraso ng grapayt na gumulong sa ibabaw ng kanyang blueprint.
Alas-kwatro na ng hapon. Pangatlong tasa na niya ito ng instant coffee na lasang asukal na lang at walang epekto sa utak niyang tatlong oras pa lang ang tulog mula kagabi. Nasa dulo na siya ng pag-idlip sa gilid ng drafting table sa Arki Studio, nakasandig ang noo sa malamig na bakal ng kanyang T-square, nang biglang pumalakpak nang malakas ang professor nilang si Arch. Reyes sa harap ng unibersidad.
“Listen up, Class 4-A,” ang boses ni Arch. Reyes ay parang bawas-buhay agad sa grading sheet. Alam ng lahat na kapag ganito ang tono ng matandang arkitekto, walang magandang ibubunga ang kasunod na sasabihin nito. “For your major design-build project for this semester, you will be paired with the Civil Engineering department. Interdisciplinary thesis-prep ito, so I expect absolute professionalism. Wala akong paki kung hindi kayo magkasundo ng makakatambal ninyo, ang mahalaga sa akin ay ma-execute nang maayos ang structural integrity ng inyong design. Ang listahan ng partners ninyo ay naka-post na sa board.”
Agad na sumabog ang bulungan sa loob ng siksik at amoy-pentel pen na studio. Ang iba, tuwang-tuwa. Ibig sabihin kasi nun, may ibang utak na ang magpapakasakit sa pag-compute ng matitinding loads, beams, at stress-points ng mga building na dinesenyo nila. Pero para kay Jace? Isa itong malaking bangungot.
Ayaw ni Jace sa lahat ang may ka-partner. Mas gusto niyang kontrolado niya ang lahat bawat linya, bawat kapal ng pader, bawat sukat ng haligi, at bawat puyat. Kapag may kasama ka kasi, kailangan mong mag-adjust. Kailangan mong mag-antay. At higit sa lahat, kailangan mong magtiwala sa kakayahan ng iba. Isang bagay na matagal nang tinanggal ni Jace sa sistema niya mula nang pumasok siya sa College of Architecture.
“Hala, gago, Jace!”
Isang malakas na hampas sa balikat ang halos magpataob sa lalagyan ng mga scale at tech pens ni Jace. Si Ken, ang blockmate niyang walang ibang ginawa kundi mag-marites at manghingi ng yellow paper, ay kasalukuyang nakaturo sa white board sa unahan ng classroom. Nanlalaki ang mga mata nito na parang nakakita ng multo o nakakita ng swerte.
“Swerte mo, pre! Sinasabi ko sa’yo, biniyayaan ka ng langit ngayon kahit mukha kang galing sa sementeryo sa sobrang itim ng eye bags mo!” tili ni Ken, bagamat pabulong para hindi marinig ni Arch. Reyes na abala sa pag-aayos ng kanyang projector bag.
“Ano na naman ba ’yan, Ken? Kita mong naghahabol ako ng line weights dito,” tamad na sagot ni Jace, habang maingat na binubura ang bakas ng nabaling mechanical pencil gamit ang isang maputing eraser shield.
“Tumingin ka kasi sa board! Katambal mo si Captain!”
“Sino?” Napabuntong-hininga si Jace at tamad na tumayo mula sa kanyang drafting stool. Inayos niya ang suot niyang oversized black hoodie at lumapit sa unahan, nakikisiksik sa mga kaklase niyang nag-iingay at nagrereklamo na rin sa kani-kanilang mga nakuha.
Nang mahanap ng mga mata niya ang pangalan niya sa listahan, awtomatikong napabasa siya nang tahimik.
Jace Joaquin V. Alcantara (Architecture) - Theodore James D. Santos (Civil Engineering)
Napakunot ang noo niya. Theodore James? Parang pamilyar ang pangalan, pero hindi niya matandaan kung saan niya narinig. Hindi naman kasi siya palasama sa mga school events, lalong hindi siya nanonood ng mga laro ng unibersidad. Ang mundo ni Jace ay umiikot lang sa tatlong bagay: Arki building, apartment niya, at ang bilihan ng tracing paper sa tapat ng campus.
“Anong sino? Seryoso ka ba, Jace? Saang kweba ka ba nakatira?” Inalog-alog ni Ken ang balikat niya. “Si Theo Santos! ’Yung star player at captain ng Civil Engineering basketball team! ’Yung laging pinagkakaguluhan sa open court tuwing intramurals! Grabe, pre, sikat ’yan sa buong campus, hindi lang dahil varsity siya, kundi dahil matalino raw talaga. Dean’s Lister din ’yan sa Engineering kahit laging nasa training!”
Napa-irap na lang si Jace habang bumabalik sa sarili niyang pwesto . “Wala akong paki kung star player siya, kung captain siya, o kung kamag-anak niya si Michael Jordan. Ang paki ko lang, huwag niyang sisirain ang GWA ko. Isang tres na lang ang kulang ko, mawawalan na ako ng scholarship. Kaya kung sino man ’yang Santos na ’yan, siguraduhin niyang marunong siyang mag-analyze ng trusses, kundi itatarak ko sa noo niya ’tong T-square ko.”
“Grabe ka naman, napaka-init ng dugo mo,” natatawang sabi ni Ken habang sumasandal sa gilid ng mesa ni Jace. “Pero seryoso, pre, gwapo ’yun. Baka naman pagkatapos ng project na ’to, pwedeng pakilala mo ako? Kahit taga-abot lang ako ng Gatorade sa kanya sa court, go ako.”
“Manahimik ka nga riyan. Mag-layout ka na lang ng site planning mo, kulang pa ng north arrow ’yang gawa mo,” pagsisita ni Jace bago muling umupo at ipinagpatuloy ang pag-aayos ng mga gamit niya.
Alas-singko na ng hapon. Tapos na ang klase at isa-isa nang nag-aalisan ang mga kaklase niya para mag-meryenda o umuwi. Gusto na lang din ni Jace na makabalik sa tahimik niyang apartment. Gusto niyang magluto ng instant noodles, humiga sa kama kahit dalawang oras lang, bago simulan ang panibagong layout para sa plates na ipapasa sa Biyernes.
Habang isinusubo niya ang strap ng kanyang mabigat na backpack sa kanyang balikat, biglang bumukas nang malakas ang pinto ng Arki Studio. Ang tunog ng lumang kahoy na pinto na humampas sa sementong pader ay nagpa-alingawngaw sa buong kwarto, dahilan para mapalingon ang natitirang limang tao sa loob kabilang na si Jace.
Isang lalaki ang pumasok na hingal na hingal. Naka-gray na hoodie ito na may logo ng unibersidad sa gitna, pero nakatupi ang mga manggas hanggang siko, na nagpapakita ng mga braso nitong may kaunting muscles at bakas ng mga ugat. May bitbit itong malaking itim na gym bag sa kaliwang balikat, at may hawak na piraso ng lukot na papel sa kanang kamay. Medyo gulo-gulo ang buhok nito, basang-basa ng pawis na bahagyang dumidikit sa noo nito, pero sa kabila ng pagod, may hatid itong kakaiba at napakalakas na enerhiya sa loob ng siksik, tahimik, at amoy-pentel pen na kwarto.
“Uh… hi,” medyo malalim at paos ang boses ng lalaki. Tumingin ito sa paligid, medyo nahihiyang nag-kamot ng batok nang mapansing lahat ng tao ay nakatitig sa kanya. “Pasensya na, naabala ko yata kayo. Hinahanap ko lang sana si… Jace Alcantara? Sabi kasi sa engineering department, baka nandito pa raw sa room na ’to.”
Awtomatikong lumingon si Ken kay Jace, ang mga mata nito ay nanlalaki na parang sinasabing ’Siya na ‘yan! Gago, ang gwapo nga sa malapitan!’
Napabuntong-hininga si Jace. Pakiramdam niya, mas lalong bumigat ang backpack niya. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang kanang kamay habang nakaupo pa rin sa kanyang drafting stool. “ Ako. Bakit?“
Tumingin sa kanya ang lalaki. Sa isang saglit, napansin ni Jace kung paano lumaki ang mga mata nito hindi dahil sa gulat, kundi parang may kislap o kakaibang saya na biglang dumaan doon. Isang malawak at napaka-aliwalas na ngiti ang sumilay sa mukha ng bagong dating, na nagpakita ng maliliit ngunit malalalim na dimples sa magkabilang pisngi nito.
Mabilis itong lumakad palapit sa pwesto ni Jace, na tila balewala lang ang mga nakaharang na drafting stools, mga basurahan, at mga nakakalat na boards sa sahig. May bitbit itong amoy ng sariwang hangin at kaunting bango ng panlalaking pabango na humalo sa amoy ng engineering gym-amoy pawis, pero hindi mabaho, kundi amoy aktibo at buhay na buhay.
“Hi, Jace! Ako si Theo,” agad na inilahad ng lalaki ang kanang kamay niya sa harap mismo ng mukha ni Jace. Ang mga mata nito ay nakatitig nang diretso sa kanya, tila sinusuri ang bawat anggulo ng mukha ni Jace. “Partner mo ako sa design-build project. Nice to finally meetich u! a y, meet you pala. Sorry, medyo bulol, galing kasi akong sprint sa court.”
Napatitig si Jace sa malaking kamay na nasa harap niya. May kaunting gasgas ang mga knuckles nito, mukhang galing nga sa physical na laro sa basketball court, pero malinis ang mga kuko at mahahaba ang mga daliri. Hindi tinanggap ni Jace ang kamay. Hindi sa masama ang ugali niya (well, medyo lang), kundi dahil pagod na siya at ayaw niya ng mga pormalidad na sa tingin niya ay plastic lang naman.
Sa halip na makipagkamay, mas lalong isinabit ni Jace ang backpack niya sa balikat, inayos ang pagkakahawak sa kanyang T-square case, at tumingin nang diretso at malamig sa mga kumikinang na mata ni Theo.
“ May training ka pa ba pagkatapos nito?“ cold na tanong ni Jace, walang kaanu-anong preno ang boses.
Natigilan si Theo, dahan-dahang ibinaba ang kanyang kamay nang marealize na hindi siya rerespuhan ng shakehands, pero hindi nawala ang ngiti sa mga labi nito. “Ah, katatapos lang actually. Last drill na namin kanina nang maalala kong ngayon daw ipopost ’yung groupings. Tumakbo talaga ako rito mula sa kabilang building kasi baka umuwi ka na at hindi kita maabutan. Mahirap na, baka isipin mo iresponsable ako.”
“ Amoy pawis ka,“ diretsong sabi ni Jace.
Narinig niya ang marahas na pagsinghap ni Ken sa likod niya, at ang mahinang bulungan ng dalawang babaeng kaklase nila sa kabilang dulo ng room. Sino ba naman kasi ang magsasabi ng ganoong kataga sa sikat na si Theo Santos? Lahat ng tao ay gustong mapalapit dito, pero si Jace, mukhang gustong magtaboy gamit ang pesticide.
Bahagyang ibinaba ni Theo ang ulo niya at lalong lumapit kay Jace, sabay amoy sa sarili niyang hoodie. “Hala, seryoso ba? Mabaho ba? Akala ko naman mabango pa ’yung pabango ko. Sorry talaga, nagmamadali kasi ako.” Bagamat humingi ng paumanhin, walang bakas ng inis sa boses ni Theo. Sa halip, mukha pa itong natutuwa sa pagiging prangka ni Jace.
“Hindi naman mabaho, pero amoy pagod. At ayoko ng nale-late o nagmamadali sa mga meetings,” patuloy ni Jace habang isinusulat ang huling detalye sa kanyang logbook. “Dahil civil engineering ka, malinaw naman siguro ang hatian natin. Ako ang bahala sa architectural concepts, space planning, at aesthetics. Ikaw ang bahala sa structural computations, load baring capacities, at foundation plan. I’ll email you the initial draft and bubble diagrams tonight. Ayoko ng tamad, Santos. Maliwanag?”
Tinitigan siya ni Theo ng ilang segundo. Sa paningin ni Theo, ang maliit na arkitektong nasa harap niya ay mukhang isang galit na pusa-masungit, laging nakataas ang balahibo, may malalalim na eye bags, pero may kakaibang tapang sa mga mata na nakakahumaling tingnan.
Lalong lumawak ang ngiti ni Theo, at ipinasok ang dalawang kamay sa bulsa ng kanyang hoodie. “ Maliwanag na maliwanag, Boss Jace. Sipagan ko talaga para hindi mo ako i-drop o itarak ’yang T-square mo sa akin. Narinig ko kasi ’yung sinabi mo kanina bago ako pumasok, eh.“
Nanlaki ang mga mata ni Jace. Narinig nito? Ibig sabihin, kanina pa ito sa labas ng pinto? Ramdam niya ang biglang pag-akyat ng init sa kanyang mga pisngi, pero pinanatili niyang blangko ang kanyang mukha.
“Mabuti kung narinig mo. Para alam mo ang rules ko,” matigas na sabi ni Jace. Kumuha siya ng isang maliit na kapirasong scratch paper sa ibabaw ng mesa, mabilis na isinulat ang kanyang email address gamit ang itim na ballpen, at halos isaksak ito sa dibdib ni Theo. “Iyan ang email ko. Mag-send ka ng confirmation kapag natanggap mo ang files mamayang gabi.”
“Noted, Boss,” salo ni Theo sa papel, maingat itong itinupi at inilagay sa bulsa ng kanyang pantalon. “Paano ba ’yan? Una na ako? Baka ma-late ka pa sa pag-uwi dahil sa akin, eh.”
Hindi na siya sinagot ni Jace. Mabilis na binuhat ni Jace ang kanyang mga gamit at dire-diretsong naglakad palabas ng pinto ng studio, iniwan si Theo na nakatayo roon kasama si Ken na halos matunaw na sa kilig para sa kaibigan.
Habang naglalakad si Jace sa mahabang hallway ng Arki building, naririnig pa rin niya ang mahina ngunit malalim na tawa ni Theo na umaalingawngaw mula sa silid na iniwan niya. Napahawak si Jace sa kanyang dibdib na bahagyang bumibilis ang tibok.
“Bwisit,” bulong niya sa sarili. “Sira na ang tahimik kong buhay.”
Kabanata 2
Ang gabi ni Jace ay hindi natapos sa pag-alis niya sa unibersidad. Sa katunayan, doon pa lang ito nagsisimula.
Alas-onse na ng gabi. Ang maliit niyang apartment ay nababalot ng katahimikan, maliban sa mahinang ugong ng lumang bentilador na nakatutok sa kanyang likod at ang ritmo ng pagtipa niya sa keyboard. Ang tanging liwanag sa kwarto ay nagmumula sa dual monitors ng kanyang computer, kung saan nakabukas ang AutoCAD at SketchUp.
Sa screen, unt-unting nabubuo ang bubble diagram at paunang floor plan para sa kanilang design-build project. Isang commercial eco-hub na may space planning na nakatutok sa sustainability. Maganda ang konsepto, pero habang tinitingnan ni Jace ang structural spans, alam niyang dito papasok ang engineering. At doon niya naalala ang lalaking nanggulo sa studio niya kanina.
Theodore James.
Napatigil ang mga daliri ni Jace sa mouse. Naalala niya kung paano ito ngumiti ’yung ngiting may kasamang malalalim na dimples na parang walang dalang bigat sa buhay. Naalala rin niya ang amoy nito. Umiling siya nang mariin para alisin ang isipang iyon .
“Trabaho ’to, Jace. Huwag kang tanga,” bulong niya sa sarili.
Mabilis niyang i-nexport ang file bilang PDF, binuksan ang kanyang Gmail, at i-nattech ang dokumento. Sa subject line, isinulat niya ang: ARC-CE 411: Initial Architectural Draft - Alcantara . Sa body ng email, naging maikli at pormal siya:
Santos,
Attached is the initial draft for the floor plan and site zoning. I need the preliminary structural analysis, column sizing, and initial load computations by Friday before our consultation with Arch. Reyes.
Do not draft anything without consulting my grid lines. Let’s not waste each other’s time.
- Jace Alcantara
Pinindot niya ang Send . Pagkatapos ay isinara niya ang laptop, humiga sa manipis niyang foam sa sahig, at ipinikit ang mga mata. Limang minuto pa lang ang lumilipas nang biglang umilaw at mag-vibrate ang cellphone niya sa tabi ng unan.
1 New Message
From: Theo Santos (Engineering)
“Got it, Boss! Ganda ng bagsak ng mga grid lines mo, ha? Ang daling basahin. Hihimayin ko na ’tong load computations bukas. Matulog ka na, bawas-bawasan ang eye bags. See you sa school! :)”
Napatitig si Jace sa screen. May pa-smiley pa ang gago. At paano nito nalamang hindi pa siya natutulog? Hindi na siya nag-reply. Ibinaba niya ang telepono, binalot ang sarili ng kumot, at hinayaang lamunin ng antok ang pagod niyang utak.
Kinabukasan, parang sinasadyang asarin ng panahon si Jace. Late siyang nagising dahil hindi tumunog ang alarm niya, kaya naman nagmadali siyang maligo at halos takbuhin ang kahabaan ng kalsada papasok ng campus habang bitbit ang kanyang apat na talampakang T-square case at isang drafting portfolio.
Nang makarating siya sa Arki Studio, hingal na hingal siya. Buti na lang at wala pa ang professor para sa kanilang morning lecture. Agad siyang bumagsak sa kanyang sariling drafting stool, inilapag ang mga gamit sa ibabaw ng mesa, at sumandal para huminga nang malalim.
“Huy, pre. Mukha kang hinabol ng sampung aso,” bati ni Ken na kasalukuyang nag-aayos ng kanyang sariling mga watercolor pens sa katabing lamesa.
“Late ako nagising. Puyat sa draft kagabi,” maikling sagot ni Jace, habang pinapaypayan ang sarili gamit ang isang piraso ng scratch paper.
“ Nga pala, may naghahanap sa’yo kanina pa. Mga bandang alas-siyete yata nung dumaan siya rito,“ sabi ni Ken na may nakakalokong ngiti sa mga labi.
Napakunot ang noo ni Jace. “ Sino? Si Arch. Reyes?“
“Hindi. Si Captain. Si Engr. Dimples mo,” panunukso ni Ken, sabay turo ng nguso sa may pinto ng studio. “Sabi niya, babalik na lang daw siya kapag oras na ng break natin”
Hindi pa nakakasagot si Jace nang biglang bumukas ang pinto. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi ito pabalasbalas na tulad ng kahapon. Marahan ang pagtulak dito, at pumasok si Theo Santos na may dalang kakaibang aura.
Ngayon, hindi na ito naka-gym clothes. Naka-uniform na ito ng Civil Engineering isang malinis na puting polo-shirt na may nakaburda na logo ng kolehiyo sa kaliwang dibdib, at fitted na khaki pants. Maayos ang gupit ng buhok nito, amoy mamahaling panlalaking pabango na may kasamang amoy ng bagong ligo, at walang bakas ng pagod. Sa kanang kamay nito, may bitbit itong dalawang malaking baso ng iced coffee mula sa isang sikat na coffee shop malapit sa unibersidad, at isang paper bag na amoy bagong lutong pastries.
Agad na nag-ingay ang ilang mga babae at bading sa loob ng studio. Si Ken naman ay halos mahulog sa upuan sa siko kay Jace.
“ Jace !“ Masayang tawag ni Theo nang makita siya. Lumakad ito palapit sa pwesto nila, ang mga dimples ay agad na lumitaw nang ngumiti ito nang malawak. “Good morning. Sabi ni Ken late ka raw, kaya saktong-sakto ang dating ko.”
Tiningnan lang siya ni Jace mula ulo mukhang paa, bago tumingin sa mga dalang kape nito. “Anong ginagawa mo rito? May klase ang engineering ngayon, ’di ba?”
“May vacant ako ng dalawang oras,” sagot ni Theo habang inilalapag ang isang baso ng iced caramel macchiato at ang paper bag sa ibabaw ng mesa ni Jace, sa tabi mismo ng kanyang mechanical pencils. “Ayan, binalikan ko ’yung email mo kagabi. Sobrang solid ng plano mo kaya na-excite ako. Alam kong puyat ka, kaya ibinili kita ng kape at croissant. Masarap ’yan, dyan sa may tapat ng gate.”
Napatitig si Jace sa kape. Iced Caramel Macchiato. May extra shot ng espresso base sa kulay nito. Paano nito nalaman ang paborito niyang timpla? Tumingin siya kay Ken, na agad na nag-iwas ng tingin at biglang naging abala sa pagbubura ng malinis na papel. Siraulo talaga ’tong si Ken, dinaldal na naman ang buhay ko, sa pushes ni Jace sa sarili.
“Hindi ko kailangan ng kape mo, Santos,” malamig na sabi ni Jace, pilit na itinatago na natutakam siya sa amoy ng croissant. “At pakiusap, huwag mong ilalagay ’yan sa ibabaw ng drafting table ko. Kapag natsambahan niyan ang plates ko, tatlong linggong trabaho ang mawawala sa akin.”
“Ah, oo nga pala! Sorry, sorry!” Agad na binuhat ni Theo ang kape at pagkain, medyo natatarantang humanap ng ibang pwesto. “ Nakalimutan ko, bawal nga pala ang likido malapit sa mga blueprint niyo. Pasensya na.“
Inilapag ni Theo ang kape sa isang maliit na gilid ng cabinet na malayo sa mga papel. Pagkatapos ay lumingon siya ulit kay Jace, walang bakas ng pagka-offend sa mukha kahit na tinanggihan ang kanyang gawi.
“Tungkol nga pala sa grid lines na sinasabi mo,” panimula ni Theo, habang kumukuha ng isang notebook mula sa kanyang bag . “Chineck ko ’yung structural span ng gitnang open space. Masyadong malawak ’yung walang column base sa gusto mong concept. Kung ganoon kalawak, kailangan natin ng post-tensioned beams o kaya ay gumamit ng steel trusses sa bubong para kayanin ’yung load nang hindi kumakapal ’yung semento. Ano sa tingin mo?”
Bahagyang natigilan si Jace. Sa unang pagkakataon, nakita niya ang “Engineer” side ni Theo. Ang paraan ng pagsasalita nito ay seryoso, tumpak, at halatang alam ang sinasabi. Hindi ito tulad ng imahe ng isang pasaway na varsity player na inaasahan niya .
“Steel trusses ang mas maganda,” pormal na sagot ni Jace, unt-unting pumapasok sa professional mode . “Gusto ko kasing makita ’yung industrial look sa interior. Kung gagamit tayo ng exposed steel, mas madali kong maitatago ang mga utility pipes sa ceiling.”
“ Nice. Magandang ideya ’yan,“ tumango-tango si Theo, habang mabilis na nagsusulat sa kanyang notebook. Ang lapit nito kay Jace ay sapat na para maamoy ni Jace ang pabango nito isang amoy na nakakagulo sa konsentrasyon niya. “Sige, i-co-compute ko ’yung weight ng steel trusses para malaman natin ang sukat ng mga columns sa gilid. By Friday, ibibigay ko sa’yo ang initial calculation para mailagay mo na sa structural plan mo.”
“Siguraduhin mo lang na tama ang computations mo,” sabi ni Jace, sabay kuha sa baso ng kape na dinala ni Theo. Hindi na niya natiis ang antok. Humigop siya ng kaunti, at agad na gumuhit ang tamis at pait ng kape sa sistema niya. Napapikit siya sa sarap.
Napanood ni Theo ang reaksyon ni Jace, at isang tahimik ngunit tagumpay na ngiti ang sumilay sa mga labi ng engineer. “Masarap?”
“Pwede na,” pagmamalaki ni Jace, sabay iwas ng tingin. “ Salamat.“
“Walang anuman, Boss Jace. Basta para sa partner ko,” sagot ni Theo, ang tono ay may kaunting lambing na nagpataas ng balahibo ni Jace.
Bago matapos ang vacant period ni Theo, nag-stay ito sa gilid ng mesa ni Jace. Habang si Jace ay nagsisimulang mag-drawing ng mga bagong elevations, si Theo naman ay tahimik na nag-so-solve ng mga math equations sa kanyang notebook gamit ang kanyang scientific calculator.
Paminsan-minsan, kapag nahihirapan si Jace na abutin ang dulo ng kanyang T-square dahil sa haba ng lamesa, bigla na lang itong hahawakan ni Theo para i-adjust sa tamang anggulo. Ang bawat bahagyang pagkadiit ng kanilang mga balat ang mainit na kamay ni Theo laban sa malamig na mga daliri ni Jace ay nagpapadala ng kakaibang kuryente na pilit na binabalewala ng arkitekto.
“ Huy, Santos,“ tawag ni Jace nang hindi tumitingin dito.
“Bakit?”
“Bakit engineering ang kinuha mo? Sabi ni Ken, sikat ka raw na player. Bakit hindi sports analytics o physical education?”
Natigil si Theo sa pagpindot sa kanyang calcu. Tumingin siya sa bintana ng studio, kung saan natatanaw ang malawak na campus. Ang masiyahin niyang mukha ay panandaliang napalitan ng isang seryoso at medyo malungkot na emosyon isang bagay na ngayon lang nakita ni Jace sa kanya.
“ Legacy, I guess,“ mahinang sagot ni Theo. “Ang dad ko, kilalang structural engineer sa Maynila. Lahat ng kapatid ko, nasa corporate world na o kaya ay may sariling construction firm. Noong bata ako, gusto ko talaga mag-basketball lang. Pero sabi ng dad ko, walang pera sa pagtakbo sa court pagdating ng araw. Ang sports, pampalipas oras lang daw. Ang engineering, ’yan ang tunay na buhay.”
Tumingin si Theo kay Jace, at ibinalik ang kanyang pamilyar na ngiti, bagamat mas maliit ito ngayon. “Kaya ayun, pinagsasabay ko. Para naman kahit papaano, proud sa akin ang tatay ko.”
Napatitig si Jace sa kanya. Sa unang pagkakataon, nakita niya ang bitbit na bigat ng taong akala ng lahat ay perpekto ang buhay Naramdaman ni Jace ang isang pamilyar na kirot ang bigat ng ekspektasyon ng pamilya. Alam niya ang pakiramdam ng may pinatutunayan. Dahil para sa kanya, kailangan niyang maging matagumpay para hindi masayang ang sakripisyo ng kanyang ama at ng yumao niyang ina.
“Mas mahirap ang may pinatutunayan sa ibang tao kaysa sa sarili,” seryosong sabi ni Jace, ang boses ay mas malambot na kumpara sa karaniwang tono niya. “Pero magaling ka naman sa math, ’di ba? Huwag mong hayaang masira ang laro mo dahil lang sa calculus.”
Nanlaki ang mga mata ni Theo sa narinig. Hindi niya inaasahan ang mga salitang iyon mula sa masungit na arkitekto. Ang puso niya ay tila lumaktaw ng isang tibok.
“ Wow ,“ bulong ni Theo, habang nakatitig nang malagkit kay Jace. “ Caring ka pala, Boss Jace. Akala ko talaga itatarak mo na sa akin ’yang T-square mo.“
Mabilis na nabawi ni Jace ang sarili. Ang kanyang mukha ay agad na namula at muli siyang sumungit. “Manahimik ka nga! Mag-solve ka na lang dyan. Kapag nagkamali ang decimal point mo sa load computations, babagsak ang building natin, tandaan mo ’yan.”
Natawa nang malakas si Theo isang tunog na nagpalingon na naman sa buong klase . “Opo, Boss. Hindi po magkakamali. Safe ’tong building natin, kasing-safe mo sa akin.”
“ Gago ,“ bulong ni Jace, sabay higop nang malalim sa kanyang kape para itago ang abala sa kanyang mukha.
Sa pagtatapos ng umagang iyon, .habang pinapanood ni Jace si Theo na maglakad palabas ng studio habang kumakaway sa kanya, alam niya sa sarili niya na ang pader na maingat niyang binuo sa paligid ng kanyang puso ay unt-unti nang nagkakaroon ng mga maliliit na lamat. At ang may kasalanan ay walang iba kundi ang isang engineer na may dalang kape at may malalalim na dimples.
Kabanata 3
May isang hindi nasusulat na batas sa College of Architecture ang oras ay hindi nakabase sa posisyon ng araw, kundi sa kung ilang plates pa ang kailangang matapos bago ang deadline.
Alas-diyes na ng gabi ng Huwebes. Ang unibersidad ay halos balot na ng dilim, maliban sa apat na palapag ng Arki building na maningning pa rin ang mga ilaw ng fluorescent lamp. Sa loob ng Studio 4-A, maririnig ang sabay-sabay na ritmo ng pag-atungal ng mga sharpeners, ang gasgas ng mga mechanical pencil sa ibabaw ng papel, at ang mahinang tugtog ng lo-fi music mula sa speaker ng isang kaklase.
Hingal na hingal si Jace habang maingat na binubura ang panibagong pagkakamali sa kanyang 20“x30” drafting board. Namamaga na ang mga daliri niya sa kanang kamay dahil sa ilang oras na pagpindot sa 0.1 at 0.5 technical pens. Ang structural skeleton ng kanilang eco-hub ay halos tapos na sa architectural side, pero kailangan niya ang pinal na sukat ng mga haligi mula kay Theo para maitama ang dulo ng kanyang grid lines.
“Jace, pre, una na ako,” humihikab na paalam ni Ken habang isinasabit ang kanyang t-square case sa likod. “Hindi na kaya ng utak ko. Kung ipagpapatuloy ko ’to, baka magmukhang kural ng baboy ’tong convention center ko. Una na ako, ha? Bukas na lang ulit.”
“Sige. Ingat sa daan,” maikling sagot ni Jace, hindi inaalis ang tingin sa hawak na triangular scale.
“ Ikaw ba? Ayaw mo pang umuwi? Mag-aalas-onse na oh. Baka multo na ang kasama mo rito mamaya,“ p ananakot pa ni Ken habang naglalakad palabas.
“Mamaya na. Inaantay ko pa si Santos. Sabi niya ise-send niya raw ngayon ’yung final dimensions ng beams.”
“Ah, si Captain,” ngumisi si Ken bago tuluyang isara ang pinto . “O siya, enjoy sa inyong… structural calibration.”
Naiwan si Jace na mag-isa sa kanyang hilera ng mga lamesa. Binalot siya ng katahimikan. Tumayo siya para mag-inat ng likod na kanina pa sumasakit, at doon niya napansin ang sarili sa repleksyon ng bintana. Ang gulo ng buhok niya, mas lalong umitim ang kanyang eye bags, at ang suot niyang kupasing black hoodie ay may bakas pa ng natuyong watercolor mula sa proyekto noong isang linggo.
“Mukha akong bangkay,” bulong niya sa sarili, sabay hilamos ng sariling mukha gamit ang kanyang mga kamay.
Saktong alas-onse nang bumukas ang pinto ng studio. Sa pagkakataong ito, hindi patakbo kundi mabibigat ang hakbang na pumasok si Theo. Naka-jersey shorts pa ito at sando na may nakapatong na varsity jacket, bitbit ang kanyang malaking gym bag at ang pamilyar na scientific calculator sa kanang kamay. Halatang galing ito sa isang matinding physical training dahil medyo basang-basa pa ang gilid ng buhok nito, pero ang mga mata nito tulad ng dati ay agad na nagliwanag nang mahanap si Jace sa dulo ng silid.
“Sorry! Sorry talaga, Jace, natagalan ako,” b ungad ni Theo, medyo nagmamadaling lumapit sa lamesa ni Jace. Ibinaba niya ang kanyang gym bag sa sahig at kumuha ng isang makapal na piraso ng yellow paper na puno ng mga sulat-kamay na formula at mga sketch ng diagrams. “Nagkaroon kami ng tune-up game laban sa kabilang unibersidad, tapos pinatagal pa kami ni Coach para sa post-game evaluation. Pero tinapos ko ’to sa dugout, pramis. Heto na ’yung load computations.”
Inilapag ni Theo ang papel sa isang malinis na bahagi ng lamesa, malayo sa basang baso ng tubig ni Jace. Naupo siya sa katabing stool, humihingal nang bahagya.
Kinuha ni Jace ang papel at sinuri ang mga numero. Maayos ang pagkakasulat ni Theo malilinis ang mga numero, may maayos na labeling ng Dead Loads at Live Loads , at may malinaw na kalkulasyon para sa bending moments ng mga pangunahing beams.
“Okay ’to,” tango ni Jace, medyo humanga sa bilis at linis ng gawa ng engineer. “Sukat na lang ng column ang kulang ko para ma-finalize ko ’yung line weights ng structural walls.”
“Ayan, dyan sa dulo ng page,” tinuro ni Theo gamit ang kanyang mahabang daliri ang ibabang bahagi ng papel. “Dahil gagamit tayo ng exposed steel trusses, pinalitan ko ’yung sukat ng column mula sa 400mm x 400mm, ginawa ko na lang siyang 350mm x 350mm gamit ang high-strength concrete mix. Mas payat siya, so mas malaki ang mase-save mong space sa interior floor plan mo.”
Napatingin si Jace kay Theo. Ang mukha ng lalaki ay napakalapit sa kanya, sapat na para makita niya ang maliliit na patak ng pawis sa gilid ng peluka nito at ang amoy ng panlalaking sabon. May kaunting gasgas din ito sa braso, mukhang nakuha sa gitgitan sa basketball court kanina.
“ Salamat,“ mahinang sabi ni Jace, sabay iwas ng tingin para harapin ang kanyang drafting board. “ Malaking tulong ’to. Ibig sabihin, hindi ko na kailangang i-adjust ang lapad ng mga pasilyo.“
“Sabi sa’yo eh, safe ka sa akin,” nakangiting sabi ni Theo, ang boses ay may halong pagod ngunit puno pa rin ng sigla. Sumandal ito sa sandalan ng stool at pinanood si Jace na muling humawak ng t-square at lapis. “Ganyan ka ba talaga palagi? Gabi-gabi ka bang nagpupuyat dito?”
“Oo. Sanay na ako,” sagot ni Jace habang maingat na nagpapatakbo ng tuwid na linya gamit ang kanyang 0.3 technical pen. “Kapag tamad ka sa Arki, huli ka agad. Walang puwang dito ang mabagal at tamad.”
“Grabe. Bilib talaga ako sa inyo,” bulong ni Theo, ipinatong ang kanyang baba sa kanyang dalawang kamay habang nakasandig sa lamesa, nakatitig lang sa bawat galaw ng kamay ni Jace. “Sa engineering, puro numero at formula lang ang iniintindi namin. Pero kayo, binibigyan niyo ng buhay ’yung mga numerong ’yun. Parang magic.”
“Hindi ito magic, Santos. Disiplina ’to,” pagwawasto ni Jace, bagamat lihim na kinakabahan sa paraan ng pagtitig sa kanya ng engineer. “At saka, kailangan kong panatilihin ang mga matataas na grado ko. Scholar ako. Isang bagsak lang sa major, tapos ang pangarap ko.”
Natigilan si Theo. Lumalim ang tingin niya kay Jace, unt-unting nawawala ang mapaglarong aura nito. “Scholar ka? Kaya ba ganyan ka kapursigido?”
“ Kailangan eh,“ maikling sagot ni Jace. Ayaw niyang magkwento ng tungkol sa pamilya niya, ayaw niyang isipin ni Theo na naghahanap siya ng awa. “ Ang tatay ko, tumatanda na. Ang kuya ko naman, may sarili ring binubuhay. At ang mama ko… wala na siya. Kaya ako na lang ang inaasahan ng sarili ko.“
Saglit na naging tahimik ang studio. Ang tanging naririnig na lang ay ang mahinang tunog ng lo-fi music sa background. Inaasahan ni Jace na magbibigay si Theo ng tipikal na pakikiramay o sasabihan siya ng “Kaya mo ’yan,” pero hindi ’yung ang ginawa ng engineer.
Dahan-dahang itinaas ni Theo ang kanyang kanang kamay, at bago pa man makailag si Jace, marahan nitong hinawakan ang dulo ng hood ng kanyang jacket, sabay ayos sa bahagyang nakatabing salamin sa ilong ng arkitekto. Ang init ng mga daliri ni Theo na dumampi sa balat ng kanyang ilong ay nagpadala ng kakaibang kuryente sa buong katawan ni Jace.
“Gusto mo tulungan kita?” malambot na tanong ni Theo.
“Paano? Hindi ka naman marunong mag-draft,” seryosong sabi ni Jace, bagamat mabilis ang tibok ng puso niya.
“Hindi nga ako marunong mag-drawing ng mga bintana at pintuan, pero marunong akong magbura,” biro ni Theo, sabay pakita ng isang mamahaling puting pambura na kinuha niya sa pencil case ni Jace. “Ako na ang taga-bura ng mga maling linya mo, o kaya taga-hawak ng t-square mo para hindi gumalaw habang nagpapatakbo ka ng tech pen. Ano, deal?”
Napatitig si Jace sa mga mata ni Theo. Walang bakas ng biro sa pagkakataong ito purong katapatan lang ang nakikita niya. Napabuntong-hininga ang arkitekto, isang maliit at halos hindi mapansing ngiti ang sumilay sa sarili niyang mga labi.
“Sige. Pero kapag nadumihan mo ang paper ko, itatarak ko talaga sa’yo ’tong triangle,” banta niya.
“Opo, Boss. Pangako, iingatan ko ’to gaya ng pag-iingat ko sa’yo,” sagot ni Theo, sabay pwesto sa kabilang dulo ng t-square ni Jace upang dahan-dahan itong asistehan.
Magdamag silang magkasama sa loob ng tahimik na studio. Habang si Jace ay seryosong naglalagay ng mga line weights sa pader mga makakapal na linya para sa structural concrete at manipis naman para sa mga partition si Theo naman ay tapat na sumusunod sa bawat utos niya. Sa bawat oras na lumilipas, unt-unting napapansin ni Jace na ang presensya ng engineer ay hindi naman pala nakakaabala. Sa katunayan, nagdadala ito ng isang uri ng kapayapaan na matagal nang hindi nararamdaman ng arkitekto sa gitna ng kanyang magulong mundo.
Bandang alas-kwatro ng madaling araw, nang matapos ang huling linya ng plate, tuluyan nang bumagsak ang katawan ni Jace sa antok. Nakasandig ang kanyang ulo sa kanyang sariling braso sa ibabaw ng lamesa, mahimbing na natutulog.
Dahan-dahang binuhat ni Theo ang kanyang varsity jacket at maingat na ipinatong ito sa likod ni Jace para hindi ito lamigin sa aircon ng studio. Pinagmasdan niya ang natutulog na mukha ng arkitekto ang kalmado nitong anyo na malayo sa masungit nitong aura tuwing gising.
“Ang ganda mo pala kapag hindi ka nakasungit,” bulong ni Theo sa dilim, bago umupo sa tabi nito at dahan-dahang ipinikit ang kanyang sariling mga mata, hawak pa rin ang dulo ng t-square na nagsisilbing tulay sa pagitan nilang dalawa.
Kabanata 4
Ang unang bumungad kay Jace paggising niya ay ang amoy ng peppermint at mamahaling panlalaking pabango isang amoy na hindi pamilyar sa kanyang maliit at madalas ay amoy-sigarilyo at natuyong watercolor na studio.
Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata, sinalubong ng nakasisilaw na liwanag ng araw na tumatagos sa malalaking bintana ng Arki Studio. Pasado alas-siyete na ng umaga. Masakit ang kanyang leeg at mabigat ang kanyang mga balikat dahil sa posisyon ng kanyang pagtulog sa ibabaw ng drafting table. Ngunit nang subukan niyang umunat, naramdaman niya ang isang makapal at mainit na tela na nakasabit sa kanyang likod.
Isang navy blue at gray na varsity jacket. Sa kaliwang dibdib nito, may malaking nakaburdang letrang ‘E’ na kumakatawan sa College of Engineering, at sa likod naman ay may nakasulat na SANTOS sa ibabaw ng numerong 14 .
Awtomatikong napaupo nang tuwid si Jace. Tumingin siya sa kanyang tabi. Ang stool na inuupuan ni Theo kagabi ay bakante na, pero maayos na nakasalansan ang kanyang mga technical pen, triangular scale, at ang malaking blueprint na magdamag nilang pinagpuyatan. May isang maliit na piraso ng neon yellow na sticky note na nakadikit sa dulo ng kanyang T-square.
“Good morning, Boss Jace! Nauna na ako, may 7:30 AM class kami sa Structural Theory. Mukhang mahimbing ang tulog mo kaya hindi na kita ginising. Huwag mong kakalimutang itabi ’yung plates mo bago ka umalis. Sayo muna ’yang jacket ko, mukhang nilalamig ka kanina, eh. Sabay tayo mag-lunch mamaya? Sunduin kita dyan. :) - Theo”
Napatitig si Jace sa sulat-kamay ni Theo. Ang puso niya ay biglang dumanas ng isang kakaibang sipa isang mabilis, malakas, at hindi planadong tibok na nagpasingkit sa kanyang mga mata sa inis. Hindi sa inis sa sulat, kundi sa inis sa sarili niya.
“Ano ba ’to? Tangina naman, Jace, umayos ka nga,” pangaral niya sa kanyang sarili habang magaspang na hinahawakan ang kanyang dibdib.
Para kay Jace, ang buhay ay parang arkitektura kailangang may zoning, may mga pader na naghihiwalay sa bawat espasyo, at higit sa lahat, may No Entry Zone . Ang puso niya ay isang pribadong property na matagal na niyang nilagyan ng mataas na bakod. Walang oras para sa ganitong uri ng distractions. Ang scholarship niya ang nakataya, ang kinabukasan ng pamilya niya, at ang pangarap niyang maging isang ganap na arkitekto. Ang isang sikat at mayamang varsity player na tulad ni Theo Santos ay walang puwang sa blueprint ng buhay niya.
Mabilis niyang hinubad ang jacket nito, maingat ngunit mabilis itong itinupi, at isinaksak sa pinakailalim ng kanyang backpack. Inayos niya ang kanyang mga gamit, binuhat ang drafting board, at lumabas ng studio na may matigas na desisyon ibabalik niya ang pader na unt-unti nang binabasag ng engineer.
Eksaktong alas-dose ng tanghali, katatapos lang ng mahabang lecture ni Arch. Reyes tungkol sa Professional Practice. Nag-aayos si Jace ng kanyang logbook nang marinig niya ang pamilyar na ingay sa labas ng pinto ng classroom.
“ Huy, gago, si Theo Santos oh! May hinihintay yata,“ bulong ng isang babaeng kaklase niya sa unahan.
Nang tumingin si Jace sa may pinto, nakatayo nga roon si Theo. Naka-engineering uniform na ito, maayos ang buhok, at may hawak na dalawang paper bag ng fast food chain na paborito ng mga estudyante. Nang magtagpo ang kanilang mga mata, agad na sumilay ang napakalawak na ngiti sa mukha ni Theo, at lumitaw ang kanyang dalawang malalalim na dimples. Kumaway ito sa kanya.
“Jace, pre, ang sundo mo oh,” panunukso ni Ken habang sinisiko siya. “Sana all may personal na Captain.”
“Manahimik ka, Ken,” malamig na tugon ni Jace. Binuhat niya ang kanyang backpack, isinabit ang T-square case, at lumakad palabas ng room nang hindi binabago ang kanyang seryosong mukha.
“Hi, Jace!” Bati ni Theo nang makalapit ito. Inabot nito ang isang paper bag. “Bumili ako ng chicken at extra rice. Alam kong hindi ka nag-almusal, kaya sinabay ko na. Doon tayo sa bench sa may lilim ng acacia?”
Tinitigan lang ni Jace ang paper bag bago tumingin nang diretso sa mga mata ni Theo. Ang lamig ng tingin niya ay sapat na para bahagyang mawala ang ngiti sa mga labi ng engineer.
“Santos, kailangan nating mag-usap,” seryosong sabi ni Jace.
“O-okay? Sige, habang kumakain tayo-”
“Hindi. Dito lang,” pagputol ni Jace sa sasabihin nito. Lumakad siya nang kaunti patungo sa dulo ng hallway kung saan walang masyadong estudyanteng dumadaan. Sumunod naman si Theo, medyo naguguluhan sa biglang pagbabago ng mood ng arkitekto.
Humarap si Jace sa kanya, ibinaba ang kanyang backpack, at binuksan ito para kunin ang maayos na nakatuping varsity jacket. Iniabot niya ito kay Theo.
“Salamat sa jacket kagabi. At salamat din sa pagtulong sa akin sa plates,” pormal at walang emosyon ang boses ni Jace. “Pero gusto ko lang linawin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin.”
Napakunot ang noo ni Theo, dahan-dahang tinanggap ang jacket niya. “Linawin ang alin?”
“Tungkol sa project na ’to. Magka-partner tayo dahil required sa kurso natin. Professional partnership lang ’to, Santos,” diretsong pahayag ni Jace. Ang bawat salita ay parang pagpapatayo ng isang makapal na pader ng semento. “ Hindi ko kailangan ng taga-bili ng kape. Hindi ko kailangan ng taga-dala ng lunch. At lalong hindi ko kailangan ng kung ano pa mang special treatment mula sa’yo .“
Natigilan si Theo. Ang hawak niyang paper bag ng pagkain ay tila biglang bumigat. Ang masiyahin niyang aura ay napalitan ng seryoso at medyo nasasaktang ekspresyon. “Jace, nagpapakita lang naman ako ng kabaitan bilang partner mo. Gusto ko lang maging maayos ang lagay mo kasi alam kong bugbog ka sa puyat-”
“Kaya ko ang sarili ko. Matagal ko nang
ginagawa ’to nang mag-isa bago ka pa dumating,“ matigas na sabi ni Jace, pilit na pinapatay ang konting konsensya na kumikirot sa loob niya nang makita ang mukha ni Theo . “Ang mga ginagawa mo… nakakaabala sa akin. Na-di-distract ako sa trabaho ko. Kaya pakiusap, Santos, tantanan mo na ’to. Kung may kailangan tayong pag-usapan tungkol sa plano ng eco-hub, gawin natin sa tamang oras at paraan. Huwag ’yung ganito.”
Tinitigan siya ni Theo ng ilang segundo. Sa unang pagkakataon, nakita ni Jace kung paano magbago ang mga mata ng engineer nawala ang kislap, napalitan ng isang malalim na lungkot na tila may kasamang pag-unawa.
“Nakakaabala ba talaga ako, Jace?” Mahinang tanong ni Theo, ang boses ay wala nang halong panunukso.
“Oo,” pagsisinungaling ni Jace, hindi inaalis ang kanyang tingin.
Isang mahaba at mabigat na katahimikan ang namayani sa pagitan nilang dalawa. Narinig ni Jace ang malalim na pagbuntong-hininga ni Theo. Dahan-dahang ibinaba ng engineer ang kanyang kamay na may hawak na pagkain.
“ Sige. Kung ’yan ang gusto mo, rerespetuhin ko,“ malambot ngunit may pait na sagot ni Theo. Pilit itong ngumiti, pero hindi na umabot ang ngiti sa kanyang mga mata, at hindi na rin lumitaw ang kanyang mga dimples. “Pasensya na kung naging masyado akong makulit o kung naramdaman mong sumobra ako sa pwesto ko. Gusto ko lang naman talagang maging kaibigan mo, Jace. Pero sige, professional lang kung professional.”
Inilapag ni Theo ang isang paper bag sa ibabaw ng kalapit na upuan. “Ibinili kita niyan, sayo na ’yan. Hindi ko naman makakain ’yan pareho. Kita na lang tayo sa Biyernes para sa consultation kay Arch. Reyes.”
Hindi na hinintay ni Theo ang sagot ni Jace. Tumalikod ito at naglakad palayo, ang kanyang malalapad na balikat na madalas ay tuwid na tuwid ay tila bahagyang bumagsak sa bigat ng rejection.
Naiwan si Jace na nakatayo mag-isa sa dulo ng hallway. Tinitigan niya ang paper bag ng pagkain na iniwan ni Theo. Ang paligid ay biglang naging masyadong tahimik, at ang kalayaang matagal niyang hinahangad ay tila hindi naman masarap sa pakiramdam ngayon.
Napasandal siya sa pader at dahan-dahang napaupo sa sahig, itinago ang kanyang mukha sa kanyang mga tuhod.
“Ito ang tama, Jace. Ito ang dapat,” bulong niya sa sarili, habang ang kanyang puso ay patuloy na sumisigaw ng kabaligtaran. Ang pader ay naitayo na niya muli, pero sa pagkakataong ito, pakiramdam niya ay siya ang nakakulong sa loob
Kabanata 5
Ang sumunod na tatlong araw ay naging pinakatahimik at pinakamabigat na linggo para kay Jace.
Natupad ang gusto niya. Bumalik sa dati ang set-up wala nang nag-aabang sa pinto ng Arki Studio na may dalang iced coffee, wala nang nagte-text ng may pa-smiley sa madaling araw, at wala nang malaking kamay na umaasiste sa dulo ng kanyang T-square. Kung mag-uusap man sila ni Theo sa chat o email, purong tungkol na lang sa proyekto- “Santos, pakicheck ang load capacity ng grid B-3,” at sasagot ang engineer ng, “Noted. Na-update ko na ang excel file sa drive.” Maikli. Pormal. Walang labis, walang kulang.
Dapat sanang matuwa si Jace dahil kontrolado niya ulit ang takbo ng buhay niya. Pero sa tuwing titingnan niya ang bakanteng stool sa tabi ng kanyang drafting table, may kakaibang lamig na humahaplos sa dibdib niya.
“Pre, seryoso, nag-away ba kayo ni Captain?”
Bumalik ang wisyo ni Jace nang sipain ni Ken ang gulong ng kanyang upuan. Kasalukuyan silang nasa tapat ng Arki building, nagpapahangin matapos ang apat na oras na rendering session.
“Hindi kami nag-away. Sinabihan ko lang siya na maging professional,” walang emosyong sagot ni Jace habang nakatitig sa kawalan.
“Professional mo mukha mo,” napa-irap si Ken. “Nakita mo ba ’yung mukha ni Theo nitong mga nakaraang araw? Tuwing dumadaan sa tapat ng building natin, nakatungo. Tapos balita sa Engineering, nagpapakamatay sa training. Grabe ka, Jace. Ang puso, pader ang disenyo mo, pero parang gawa sa semento ang konsensya mo.”
Hindi na sumagot si Jace. Alam niyang may punto si Ken, pero pinili niyang manahimik.
Dumating ang araw ng Biyernes ang araw ng unang major structural at architectural consultation kay Arch. Reyes. Ang lahat ng estudyante ay kabado. Si Arch. Reyes ang kilalang pinakamahigpit na propesor sa unibersidad kaya nitong pilasin ang blueprint mo sa harap ng buong klase kung makita nitong hindi pulido ang gawa mo.
Nasa loob na ng consultation room si Jace, maayos na naka-layout sa malaking mesa ang kanilang 3D model ng eco-hub na gawa sa balsa wood at matigas na board. Sa tabi niya, nakatayo si Theo. Naka-engineering uniform ito, maayos naman ang tindig pero seryoso ang mukha at umiiwas sa anumang physical contact o mahabang pagtitig kay Jace.
Pumasok si Arch. Reyes, bitbit ang kanyang pulang ballpen at salamin sa mata. Sinuri ng propesor ang 3D model, binuhat ito, at tiningnan ang ilalim. Pagkatapos ay humarap ito sa kanilang dalawa, ang mukha ay walang kabasabasa ng emosyon.
“Alcantara, maganda ang architectural zoning. Malinis ang sirkulasyon ng hangin,” panimula ng matandang arkitekto. Nabuhayan ng loob si Jace. Ngunit hindi pa man siya nakakahinga nang maluwag, bumaling si Arch. Reyes kay Theo. “Pero ang structural configuration mo, Santos… basura.”
Parang bombang sumabog ang salitang iyon sa loob ng tahimik na silid. Bahagyang napa-atras si Theo, habang si Jace naman ay awtomatikong napatingin sa partner niya .
“Look at this cantilever span sa main entrance,” marahas na itinuro ni Arch. Reyes gamit ang dulo ng kanyang pulang panulat ang dulo ng balsa wood model . “Masyadong manipis ang column supporting this frame. Are you trying to kill the people inside this building, Mr. Santos? Is this how they teach you structural analysis sa Engineering? O masyado kang abala sa pagpapasikat sa basketball court kaya nakalimutan mo kung paano mag-compute ng bending moments?”
Napakuyom ang mga kamay ni Theo sa gilid ng kanyang pantalon. Namula ang kanyang mga tainga, hindi dahil sa galit, kundi dahil sa matinding hiya at bigat ng insulto. Ang pagbanggit sa basketball ang bagay na pinakamamahal niya ngunit laging hinahamak ng tatay niya ay tumama sa pinakamasakit na bahagi ng kanyang pagkatao.
“Sir, sapat naman po ang compression strength ng high-strength concrete mix na inilagay ko sa calculation-” pilit na pagpapaliwanag ni Theo, ang boses ay nanginginig sa pagpipigil.
“I don’t care about your theoretical strength! Sa aktwal na konstruksyon, babagsak ito!” Putol ni Arch. Reyes, sabay bagsak sa ibabaw ng mesa ng folder ng kanilang computations. “Ayoko ng palusot. Kung hindi niyo ’to itatama sa susunod na linggo, dropped kayong dalawa sa kurso ko.”
“Pero Sir-” sububukan pa sanang magsalita ni Theo, pero hinarangan siya ni Jace.
“Kami na po ang bahala, Arch. Reyes. Itatama po namin ang sukat ng columns at muling ire-render ang structural framework,” pormal at kalmadong sabi ni Jace, bagamat sa loob niya ay nag-aalab din ang inis sa naging trato ng propesor sa partner niya.
Pagkalabas na pagkalabas nila ng consultation room, mabilis na binuhat ni Theo ang kanyang bag. Hindi ito tumingin kay Jace. Dire-diretso ang lakad nito patungo sa fire exit ng building, halatang gustong takasan ang lahat ng tao.
“Santos! Sandali!” Tawag ni Jace, habang mabilis na sumusunod sa likod nito.
Dahil sa haba ng mga biyas ni Theo, nahihirapan si Jace na makasabay. Ngunit pagdating sa balkonahe sa dulo ng hallway, tuluyang huminto si Theo. Sumandal ito sa rehas ng hagdanan, itinago ang kanyang mukha sa kanyang dalawang malalaking kamay, at huminga nang malalim na tila nagpipigil ng luha.
Lumapit si Jace, unt-unting nawawala ang kanyang pader ng kasungitan . “Santos… okay ka lang?”
Dahan-dahang ibinaba ni Theo ang kanyang mga kamay. Ang mga mata nito ay mapula, at ang pamilyar na ningning na laging nakikita ni Jace ay tuluyang naglaho. Pinalitan ito ng isang matinding pagod ang pagod ng isang taong matagal nang nagbubuhat ng bigat na hindi naman sa kanya.
“ Bakit ba ganun, Jace?“ Mahina at paos ang boses ni Theo. “Bakit kapag nagkakamali ako sa academics, kailangang idamay ’yung basketball? Bakit kailangang isumbat na parang kasalanan ko na mahal ko ’yung paglalaro? Ginagawa ko naman ang lahat, eh. Nagpupuyat ako, nag-aaral ako… pero sa tingin nila, wala pa ring kwenta.”
Napatitig si Jace sa kanya. Alam niya ang tinutukoy ni Theo. Hindi lang ito tungkol kay Arch. Reyes tungkol ito sa tatay ni Theo, sa pamilya nito, at sa lahat ng taong nagdidikta kung sino ang dapat na maging siya.
Naramdaman ni Jace ang isang matinding kurot sa kanyang puso. Ang taong magdamag na nagbura ng mga maling linya niya noong isang gabi, ang taong nagdala sa kanya ng kape para lang hindi siya mag-breakdown, ay kasalukuyang nakakaranas ng sarili nitong pagbagsak sa harap niya. At hindi kayang tiisin ni Jace na panoorin lang ito.
Dahan-dahang itinaas ni Jace ang kanyang kanang kamay. Sa unang pagkakataon, siya ang unang bumasag sa distansya. Marahan niyang ipinatong ang kanyang palad sa balikat ni Theo, hinawakan ito nang mahigpit para iparamdam ang kanyang suporta.
“ Hindi basura ang gawa mo, Theo,“ malambot at seryosong sabi ni Jace. Ginamit niya ang unang pangalan nito, na nagpatigil kay Theo. “May punto si Arch. Reyes sa cantilever span, pero madali nating maitatama ’yun. Tutulungan kita. Magko-compute tayo ulit. Babaguhin natin ang disenyo kung kailangan.”
Tumingin sa kanya si Theo, ang mga mata ay nanlalaki nang bahagya sa gulat sa biglang paglambot ng masungit na arkitekto.
“ Sabi mo… professional lang tayo?“ Bulong ni Theo, may kaunting bakas ng pait pero may kasamang pag-asa.
“Professional naman talaga ’to,” depensa ni Jace, bagamat nararamdaman niya ang mabilis na tibok ng sarili niyang puso. “Pero ang mga professionals, hindi iniwan ang partner nila kapag nadapa. Kaya tumigil ka na sa pag-iinarte dyan. Mag-ayos ka ng gamit mo. Doon tayo sa apartment ko mag-ayos ng bago nating computations. Walang uuwi hangga’t hindi natin perpekto ang structural frame.”
Isang maliit, halos hindi mapansing ngiti ang unt-unting sumilay sa mukha ni Theo. Ang kanyang mga dimples, na ilang araw nang nagtatago, ay bahagyang lumitaw muli.
“Sa apartment mo, Boss Jace?” Panunukso ng engineer, ang dating sigla ay unt-unti nang bumabalik sa boses nito.
“Oo. At huwag kang mag-isip ng kung ano-ano, Santos,” masungit na bawi ni Jace, sabay talikod para itago ang pamumula ng kanyang mga pisngi. “ Magtatrabaho lang tayo. At siguraduhin mong dadaan ka sa tapat ng gate para bumili ng kape. Kailangan ko ng lakas para sa magdamagang puyatan.“
Habang naglalakad si Jace pabalik sa studio, narinig niya ang mabilis na yabag ni Theo na sumusunod sa likod niya, mas magaan at mas buhay kaysa kanina. Alam ni Jace na ang panuntunang No Entry Zone na itinakda niya ay tuluyan nang gumuho sa mismong sandaling hinawakan niya ang balikat ng engineer. Pero sa pagkakataong ito, hindi na siya natatakot.
Kabanata 6
Ang langit sa labas ng unibersidad ay unt-unting nagkulay-abiko bago tuluyang binalot ng mabibigat at maiitim na ulap. Habang pababa sina Jace at Theo mula sa ikaapat na palapag ng Arki building, ang hangin na humahampas sa mga bintana sa hallway ay may kasama nang amoy ng basang lupa at semento isang babala na may paparating na malakas na buhos ng ulan.
Bitbit ni Jace ang kanyang apat na talampakang T-square case na nakasabit sa kanyang balikat na parang ripple, habang ang kanang kamay naman niya ay maingat na pumipigil sa malaking portfolio board para hindi ito mapadpad ng hangin. Sa tabi niya, tahimik na naglalakad si Theo. Pinasan na nito ang kanyang malaking gym bag sa magkabilang balikat, habang ang kaliwang kamay nito ay may hawak na namang dalawang malalaking baso ng iced coffee na pinabili ni Jace bago sila tuluyang umalis sa tapat ng campus gate.
“Mukhang uulan nang malakas, Boss,” panimula ni Theo, habang nakatingin sa labas ng lobby ng gusali kung saan nagsisimula nang magpatak ang mga unang butil ng ulan. “ Malayo ba ’yung apartment mo rito? Baka mabasa ’yang mga plates mo. Mahirap na, baka maging watercolor ang structural drawing natin.“
“Sa may Barangay 6 7 lang. Isang sakay lang ng tricycle mula rito, o kaya ay sampung minutong lakad kung mabilis ka,” sagot ni Jace nang hindi tumitingin sa kanya. Inayos niya ang pagkakahawak sa portfolio. “Pero dahil may bag storm yata, mas mabuting mag-tricycle na tayo.”
Eksakto sa pagtapak nila sa pinakahuling baitang ng hagdanan ng lobby, tuluyang bumuhos ang langit. Ang ingay ng ulan na humahampas sa bubong ng unibersidad ay halos lumunod sa ingay ng mga estudyanteng nagtatakbuhan para sumilong. Ang mga tricycle na madalas ay nakapila sa tapat ng gate ay biglang nagkaubusan, at ang mga natitira naman ay puno na ng mga basang pasahero.
“Malas ,” bulong ni Jace sa sarili habang nakatanaw sa baha na unt-unting naipon sa gilid ng kalsada. “Mukhang mapipilitan tayong mag-antay rito ng isang oras.”
“Huwag na,” mabilis na sabi ni Theo. Ibinaba nito ang dalawang baso ng kape sa ibabaw ng kongkretong pasandig ng lobby at mabilis na binuksan ang kanyang gym bag. May kinuha itong isang malaking itim na payong-ang uri ng payong na madalas gamitin ng mga golf players dahil sa laki nito. “May payong ako. At saka… may motor ako.”
Napakunot ang noo ni Jace. “ May motor ka?“
“Oo, naka-park sa may Engineering building,” ngumiti si Theo, lumitaw muli ang kanyang maliliit na dimples. “May compartment ’yun sa likod, kasya ’yang mga gamit mo para hindi mabasa. Teka lang, kunin ko lang. Huwag kang aalis dyan, ha?”
Bago pa man makasagot si Jace, mabilis nang binuksan ni Theo ang malaking itim na payong at sumugod sa gitna ng malakas na ulan. Panoorin siya ni Jace habang tumatakbo patungo sa kabilang panig ng campus. Ang malalapad nitong balikat ay bahagyang nababasa ng tumatalsik na ulan, pero hindi ito lumingon o nagbagal ng takbo.
Napasandal si Jace sa malamig na pader ng lobby. Tiningnan niya ang dalawang baso ng kape na naiwan sa tabi niya. May kaunting guilt na naman na gumapang sa dibdib niya. Bakit ba napakabait ng taong ito sa kanya? Pagkatapos ng lahat ng masasamang salita na ipinukol niya rito noong nakaraang araw, narito pa rin ito-handang sumugod sa ulan para lang hindi siya maperwisyo.
Matapos ang halos pitong minuto, isang pamilyar na tunog ng makina ng motor ang huminto sa tapat ng lobby. Isang matte-black na Vespa scooter ang nakaparada roon, at ang nagmamaneho ay walang iba kundi si Theo, na may suot na ring black helmet na may transparent na visor. Basang-basa ang gilid ng kanyang varsity jacket, pero ang ngiti sa kanyang mukha nang itaas niya ang visor ay mas maliwanag pa sa kidlat sa langit.
“Sakay na, Boss Jace!” Sigaw ni Theo para malunod ang ingay ng ulan. Bumaba ito saglit para buksan ang malaking utility box sa likod ng scooter. “Akin na ’yang bag at portfolio mo, kasya ’yan dito, may waterproof cover ’to sa loob.”
Mabilis na iniabot ni Jace ang kanyang mga pinakainiingatang gamit. Nang masigurong ligtas ang mga papel, sumakay na rin siya sa likod ng motor. Dahil maliit lang ang upuan ng Vespa at malaki ang katawan ni Theo, awtomatikong napadikit ang dibdib ni Jace sa malapad na likod ng engineer.
“ Hawak ka nang mahigpit sa baywang ko, Jace! Madulas ang daan!“ Sigaw muli ni Theo habang ibinabalik ang visor ng helmet.
Natigilan si Jace. Hawak sa baywang? Kailanman ay hindi pa siya nakikipag-holding hands o nakakahawak sa baywang ng ibang lalaki. Nag-atubili siya, kaya naman doon lang niya ipinatong ang dalawa niyang kamay sa magkabilang gilid ng likurang bakal ng motor.
“ Huwag dyan! Mapapagalitan tayo ni Coach kapag nahulog ang partner ko!“ bago pa man makaprotesta si Jace, hinawakan ni Theo ang kanang kamay ni Jace gamit ang sarili nitong malaking kamay, at pwersahan itong ipinalupot sa kanyang baywang. Ang init ng katawan ni Theo, sa kabila ng basang tela ng kanyang jacket, ay agad na gumuhit sa mga palad ni Jace.
Bago pa makapagsalita si Jace, mabilis nang pinatakbo ni Theo ang motor palabas ng campus gate. Napapikit si Jace at walang nagawa kundi mas lalong higpitan ang kapit sa baywang ng engineer habang ang hangin at ulan ay humahampas sa kanilang dalawa.
Nang makarating sila sa tapat ng lumang apartment building ni Jace sa Barangay Ungos, halos basang-basa na ang kanilang mga pantalon at sapatos. Mabilis silang umakyat sa makitid na hagdanan patungo sa ikalawang palapag kung saan matatagpuan ang Kwarto 204.
Pinihit ni Jace ang susi at binuksan ang pinto. “Pasok ka. Pasensya na, maliit lang ’to.”
Pumasok si Theo, bitbit ang mga gamit na kinuha niya sa compartment ng motor. Tumingin ito sa paligid. Ang apartment ni Jace ay isang studio-type na kwarto-may isang maliit na kusina sa gilid na may isang single-burner na kalan, isang maliit na banyo, at ang pangunahing espasyo na hinahati ng isang malaking drafting table at isang manipis na foam sa sahig na nagsisilbing kama. Ang mga pader ay napalilibutan ng mga nakapaskil na architectural floor plans, mga charcoal rendering, at mga sketches ng mga sikat na gusali. Napakalinis, amoy kape, at napaka-organisado-gaya ng may-ari nito.
“Ang ganda naman dito,” bulong ni Theo habang maingat na itinatabi ang portfolio board sa tabi ng lamesa. “ Parang museum ng isang seryosong arkitekto.“
“Huwag mo akong bolahin, Santos. Magpatuyo ka muna ng sarili mo,” masungit na sabi ni Jace habang kinukuha ang dalawang malinis na tuwalya mula sa kanyang cabinet. Iniabot niya ang isa kay Theo. “Hubarin mo muna ’yang basang varsity jacket mo kung ayaw mong magkasakit. May extra akong malaking t-shirt dito, baka magkasya sa’yo kahit medyo bitin.”
“ Salamat,“ nakangiting sabi ni Theo habang tinatanggap ang tuwalya. Hinubad niya ang basang jacket, na nag-iwan sa kanya na naka-sando na lang.
Hindi mapigilan ni Jace na mapatingin sa hubog ng katawan ng engineer. Ang mga braso nitong may muscles at ang malapad nitong dibdib ay may kaunting patak pa ng ulan. Mabilis na nag-iwas ng tingin si Jace, naramdaman muli ang pag-akyat ng init sa kanyang mga pisngi. Kinuha niya ang isang plain gray na t-shirt at iniabot ito nang hindi tumitingin nang diretso.
“ Magpalit ka na dyan sa banyo. Magluluto lang ako ng maini t na noodles para hindi tayo dapoan ng lagnat,“ sabi ni Jace sabay talikod patungo sa maliit niyang kusina.
Habang nasa banyo si Theo, sinimulan ni Jace ang pagpapakulo ng tubig. Pagkalipas ng ilang minuto, lumabas si Theo na suot ang t-shirt ni Jace. Gaya ng inaasahan, medyo masikip ito sa malalapad nitong balikat at bitbin nang kaunti sa may baywang, pero lalo lang itong nagmukhang domestic at casual-isang imahe na malayo sa sikat na varsity captain sa court.
“ Bagay ba ?“ Panunukso ni Theo habang itinataas ang magkabilang kamay para ipakita ang bitin na manggas.
“Mukha kang sumilang sa maliit na tela. Umupo ka na nga lang dyan ,” tugon ni Jace, sabay lapag ng dalawang mangkok ng mainit na rami sa ibabaw ng maliit na lamesang kahoy sa sahig.
Naupo silang dalawa nang magkaharap, ang mga tuhod ay halos magkadikit dahil sa kikitid ng espasyo. Ang init ng sabaw at ang tunog ng ulan sa labas ay nagdala ng isang uri ng intimacy na hindi kailanman naisip ni Jace na mararanasan niya kasama ang ibang tao.
Habang kumakain, binalot sila ng isang komportableng katahimikan. Ngunit hindi matiis ni Jace ang tanong na kanina pa naglalaro sa isip niya. Ibinaba niya ang kanyang mga chopsticks at tumingin kay Theo.
“ Santos… bakit hindi ka nagalit?“
Natigil si Theo sa pag-higop ng sabaw. Tumingin ito sa kanya, ang mga singkit na mata ay puno ng pagtataka. “ Nagalit saan?“
“Noong isang araw. Noong sinabihan kita ng mga masasamang salita sa hallway. Sinabi ko na nakakaabala ka, na ayoko sa special treatment mo,” seryosong sabi ni Jace, ang boses ay may kaunting panginginig . “Kahit sino namang lalaki, may pride. Sikat ka sa school, maraming naghahabol sa’yo, pero hinayaan mo lang na ganoon ang itrato ko sa’yo. Bakit?”
Ibinaba ni Theo ang kanyang mangkok. Isang malalim at seryosong emosyon ang dumaan sa kanyang mukha. Sumandal siya gamit ang kanyang mga siko sa kanyang mga tuhod, lalong lumapit ang mukha kay Jace.
“Dahil alam kong hindi mo nama n talaga sinasadya ’yung mga salitang ’yun, Jace ,” mahing sagot ni Theo, ang boses ay napakalambot. “Bago pa tayo maging magka-partner sa project na ’to, matagal na kitang pinagmamasdan sa library at sa open court. Nakikita ko kung paano ka magpakamatay sa puyat para lang sa mga plates mo. Nakikita ko kung paano ka umiwas sa mga tao dahil natatakot ka na baka may humarang sa mga pangarap mo .”
Natigilan si Jace, hindi makapagsalita. “ Hindi ako nagalit kasi naintindihan kita, “ patuloy ni Theo, dahan-dahang itinaas ang kanyang kamay at marahang ipinatong ang kanyang mga daliri sa ibabaw ng nanginginig na kamay ni Jace na nasa lamesa. “Alam kong itinataas mo ’yung mga pader mo hindi dahil masama ang ugali mo, kundi dahil sinusubukan mong protektahan ang sarili mo. At ang pride ko? Wala ’yan kumpara sa kagustuhan kong mapatunayan sa’yo na hindi lahat ng taong lalapit sa’yo ay may balak kang saktan o pabigatin.”
Tinitigan ni Jace ang kamay ni Theo na nakapatong sa kanya. Ang init nito ay unt-unting tunawin ang huling piraso ng semento sa kanyang puso. Sa unang pagkakataon, naramdaman ni Jace na may isang taong nakakakita sa kung sino talaga siya sa likod ng masungit na maskara na wears niya araw-araw.
“Gago ka talaga,” bulong ni Jace, sabay iwas ng tingin habang ang isang mainit na luha ay dahan-dahang gumulong sa kanyang pisngi. Hindi niya alam kung bakit siya naiiyak-marahil dahil sa pagod, o marahil dahil sa wakas, may isang taong nagsabi sa kanya na ligtas siyang maging mahina.
Mabilis na gumalaw si Theo. Lumipat ito sa tabi ni Jace, at bago pa man makapagsalita ang arkitekto, marahan na nitong hinila si Jace para sa isang mahigpit na yakap. Ipinatong ni Theo ang kanyang baba sa gulo-gulong buhok ni Jace, habang ang kanyang malalapad na braso ay binalot ang buong katawan ng maliit na lalaki.
“Nandito ako, Jace ,” bulong ni Theo sa gitna ng ingay ng ulan sa labas. “ Professional man o hindi… hindi kita iiwan sa ere. Sabay nating aayusin ’tong computations natin. Sabay nating ipapasa ’tong project na ’to.“
Hindi na lumaban si Jace. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang mga kamay at mahigpit na itinanim ang kanyang mga daliri sa likod ng t-shirt ni Theo, isinusubsob ang kanyang mukha sa leeg ng engineer habang hinahayaan ang kanyang sarili na umiyak nang tahimik sa bisig ng taong akala niya ay panibagong kaguluhan lang sa kanyang buhay.
Nang matapos ang emosyonal na sandaling iyon, bumalik sila sa professional mode, bagamat may ibang uri na ng init at pagkakaunawaan sa pagitan nila. Inilatag nila ang blueprint sa malaking drafting table.
“O, dyan sa cantilever part,” seryosong sabi ni Jace habang itinuturo ang main entrance gamit ang lapis. “ Kung dadagdagan natin ang lapad ng beam sa halip na maglagay ng bagong column, kaya ba ng moment distribution?“
“ Kaya ,“ masiglang sagot ni Theo, habang mabilis na pumipindot sa kanyang scientific calculator. “ Kung gagamit tayo ng W-shape steel beam na nakatago sa ceiling, maibabalik natin ang aesthetic look na gusto mo nang hindi naapektuhan ang structural integrity. Tingnan mo ’to…“
Magdamag silang nagtrabaho, balikat sa balikat, sa ilalim ng maliwanag na ilaw ng desk lamp. Sa bawat numero na kino-compute ni Theo at sa bawat linya na itinutuwid ni Jace, unt-unting nabubuo ang isang bago at mas matatag na pundasyon-hindi lang para sa kanilang eco-hub, kundi para sa isang bagay na kapwa nila alam na hindi na lang basta isang simpleng academic project.

