loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
E.R.A. The Last Glance

E.R.A. The Last Glance

kabrobars · 3 chapters · 9,086 words

THAT THING

Taong 2030, taon na lubusan nang nilamon ng sistema ng A.I. ang buong mundo. Lahat, mula sa ibat-ibang industriya, trabaho at pasilidad sa lahat ng sulok ng bawat bansa, kumikilos at gumagalaw sa tulong ng mga makabagong teknolohiya at makinarya. Napalitan na ng mga robot ang mga tao. Naglaho na ang pakinabang ng talino ng mga magagaling na tao dahil higit na mas maalam ang nilikha ng mga ito kumpara sa mga lumikha sa kanila.

Sumiklab ang tahimik na digmaan ng mga tao sa pagitan nito at ng mga nilikha nila. Ang A.I. o Artificial Intelligence at mga robot.

Nilikha ang sistemang iyon upang maging katuwang sana ng mga tao sa buhay. Nilagyan ng mas matalinong utak ng nagmamagaling na mga tao upang mapadali ang takbo at usad ng paglago. Sa pagnais ng tao na sukatin ang kapangyarihan ng tagapaglikha at higitan ang kakayahan nito, gumawa sila ng hakbang upang  patunayan ito. Ngunit ang maling hakbang nila ang nagbukas ng pintuan para sa katapusan ng lahi ng mga tao. Mula sa bawat sulok ng mga mayayamang bansa, tumindig ang mas makapangyarihang sistema na siyang susukob sa sistema na kinagisnan ng mga tao. Parang kabute sa kawalan ang mga ito na unti-unting pumapatay at lumilipol sa mga tao. At ang paglaganap ng kapangyarihan ng A.I. ay mas lalo pang nangalap at nag-ugat hanggang sa pinakadulo ng daigdig.

Isang araw na maaliwalas noon, isang normal na araw para sa isang bansang hindi pa gaanong kinakain ng makabagong teknolohiya. Bagama’t ramdam na dito ang pagsibol ng mga A.I. buhay pa naman ang sistema ng tao. Gawa ng kalat-kalat nitong mga pulo hindi lahat kayang sakupin ng makabagong teknolohiya.

“Totoo kaya ang nasasagap nating balita mula sa ibang bansa na na take-over na sila roon ng mga A.I. chuchu na iyan?” Wika ng babae sa isang kainan habang nanonood ng video clip sa kanyang cellphone.

“Siguro, pero puwede namang fake news din iyan. Sa galing ba naman ng A.I. ngayon lahat na lang puwede na nitong i-generate at pagnumukhaing totoo kahit sa video. “ Tugon naman ng isang babae na katabi nito.

“Fake news iyan gurl. Dahil kung totoo iyan? Bakit hindi naman natin ito ramdam dito sa Pinas. Tsaka, ang laki naman talaga ng tulong ng A.I. sa tao. Aminin niyo. At kung i-takeover man ng A.I. ang mundo, ano naman ngayon diba? A.I. filter pa nga lang aliw na aliw na tayo. What more kung ang lahat gawang A.I. na. Eh di ang dali-dali na lang ng buhay natin.” Ani pa ng bakla nilang kasama.

Nasa ganung pag-uusap ang tatlo nang mapansin nila na nagkakagulo ang mga tao sa loob ng kainan na iyon. Lahat nagsitayuan at nakisilip sa labas mula sa salamin ng kainan. Hanggang sa ang iba ay aligaga nang lumabas sa lugar na iyon na bakas sa mga mukha ang pagkabahala at takot. Napa-usisa na rin ang tatlo. Bitbit ang kanilang mga bag napasilip narin sa labas ang mga ito. At doon nga, napatingala na lang ang tatlo sa kalangitan.

Maging ang mga tao sa paligid nakatingala roon. Nahintakutan ang lahat sa kanilang nakita mula sa mga kaulapan. Doon isang bilog na bagay ang misteryosong sumilip mula sa siwang ng kalangitan. Tila pinilas ang langit tsaka sumilip ang bagay na iyon. Napakalaki nun na mistulang bilog ng mata na nakatanglaw sa mga tao sa baba. Kumalat sa social media ang paglitaw ng di maipaliwanag na bagay na iyon na nagdulot ng takot sa karamihan.

Ang ikinabahala pa ng lahat dahil hindi tulad ng mga UFO sightings na sa specific na lugar lang nakikita. Ang bagay na iyon ay tanaw hindi lamang sa iisang lugar, kundi abot din ang presensiya nito maging sa pinakadulong parte ng bansa. Maging ang pamahalaan ay nabulabog sa pangyayaring iyon. Walang makapagtukoy kung ano ang bagay na iyon. Ang kinagulat pa ng mga otoridad, dahil hindi lang pala sa Pilipinas natatanaw ang ganun. Maging sa mga karatig bansa tanaw iyon.

“Nabiyak na ang tabing ng langit, ito na ang araw na tatapusin ng Diyos ang mga tao! Katapusan na ng mundo!” Sigaw ng isang lalaking matanda na nakasuot ng karatulang may sulat na “THE END is NOW!” Patakbo-takbo ito sa kalye habang nakatingala sa langit.

Nagdulot ng gulo sa bawat sulok ng bansa ang tagpong iyon. Sumiklab ang samu’t saring gulo saan man mapadako ang tingin.  Sa kawalan ng kalinawan sa nakikitang bagay, naging balisa ang lahat. Nabalot ng pangamba ang karamihan dahilan upang lalong lumala ang sitwasyon.

“Hello, Astor pare nasaan ka? Nakikita mo ba ang bagay na iyan sa langit?”

“Yes pare, nandito nga kami ni Vnx sa station lab ni sir Gab. Inaalam ang bagay na iyan.” Tugon ni Astor kay Nexus.

“Nagkakagulo na dito sa downtown area pare, ilang mga malalaking mall na ang niransak ng mga tao dahil sa takot. Nagkakaagawan na nga ng mga pagkain dito. Wala ba kayong plano na umuwi muna sa mga pamilya niyo? Si Vnx, pakisabi na hinahanap na siya ng kuya niya sa akin.” Saad ni Nexus.

“Pare ,matagal na akong inabandona ng pamilya ko. Para ano pa kung umuwi ako sa amin? Tsaka pakisabi na lang sa kuya ni Vnx na ako na ang bahala sa utol niya. Safe dito ang kapatid niya.”

“Pare, what if alien invasion ngang talaga ito at last breath na lang natin? I guess, it’s time na siguro para makipag-ayos ka na sa kanila.” Pangungumbinsi pa ni Nexus sa kaibigan.

“Pare hindi ako kasing lambot mo. Sila ang tumalikod sa akin. Kung ayaw na nila sa tulad ko bakit ko pa ilalapit sa kanila ang sarili ko. Mas gugustuhin ko pang mamatay na mag-isa kaysa makipagplastikan sa mga iyon. Sige na pare, update-update na lang tayo mamaya.” Pagtatapos ni Astor.

Napailing na lang si Nexus sa desisyon ng kaibigan. Nagpatuloy ito sa biyahe palabas ng siyudad upang puntahan ang mga magulang nito. Habang binabaybay nito ang kahabaan ng highway, pare-pareho lang ang nakikita nitong tagpo sa paligid. Mga aligagang mga tao, nagtatakbuhan na hindi naman alam ang direksiyon na nais puntahan. Nakakapanglumo ang mga tao. Pilit mang nilalabanan ni Nexus ang takot, hindi naman nito maitago ang pagkabahala sa seguridad at kaligtasan ng mga magulang at kapatid kung sakali ngang totoo ang pinaniniwalaan ng lahat.

Mabilis na narating ni Nexus ang lugar ng mga magulang. Maging doon abala ang lahat sa paglikas. Tinungo nito ang kanilang bahay at inabutan nito ang mga magulang na nagbabalot ng mga gamit at naghahanda narin sa kanilang paglikas.

“Mabuti at inabutan mo pa kami Nexus, ano ba ang bagay na iyan sa kalangitan? Totoo bang gugunaw na ang mundo?” Pagsalubong ng ina nito sa kanya.

“Wala pang linaw kung ano iyan ma, maging ang mga dalubhasa sa astronomiya hindi masagot ang pangulo sa bagay na iyan. Ngunit kumikilos na ang gobyerno at mga otoridad para tukuyin ang nakasilip na iyan sa kalangitan. Pero teka lang ma, saan ba ang punta niyo? Bakit lahat ng tao dito sa bundok ang tungo.” Wika ni Nexus na nagtataka sa pagiging aligaga ng lahat sa kanilang bahay.

“Aakyat kami sa dambana ni Maestro Julian. Ililigtas niya ang lahat sa papalapit na delobyo. iaangat niya tayo sa langit upang hindi mapasama sa pagkawasak ng mundo. Kaya halika na Nexus sumama ka sa amin sa bundok.” Sabat ng ama ni Nexus na buhat-buhat pa ang santo na Nazareno sa kamay.

“Papa, isang kulto ang sekta ni Julian. At bakit ba kayo naniniwala na gugunaw ang mundo. Hindi iyon mangyayari papa. Walang ganun. Nililihis lang ng mga bulaan na iyan ang inyong mga paniniwala. Manalig tayo sa totoong Diyos at hindi sa kasinungalingan ng kung sinong tao na nagpapanggap na diyos. Aalis tayo dito, pero hindi tayo aakyat ng bundok. Doon tayo sa siyudad. “ Ayon kay Nexus na kinontra ang mga magulang.

“Pasensya na anak ngunit hindi kami aalis sa lugar na ito. Mas kampante ang kalooban namin na sumama kay Maestro Julian kaysa sumama sa iyo sa siyudad. Nakita namin sa telebisyon kung gaano na kagulo roon. At mas nakakatakot ang mga tanawin doon. Dito lang kami.” Sabi pa ng ina nito.

“Kuya sasamahan ko dito sina mama at papa, dito lang kami. Sakali mang hindi totoo ang mga naririnig namin, at least nandito lang kami. Pananampalataya ang siyang kinakapitan ng karamihan dito sa atin. Kaya kahit ano na lang basta para sa kaligtasan ng buhay ng lahat handa silang pasukob. Hindi man kami naniniwala sa sekta ni Julian, kung ito naman ang magbibigay ng pag-asa sa amin, susubukan namin maniwala.”  Tugon pa ng babaeng kapatid ni Nexus na si Nexine.

Wala nang nagawa pa si Nexus, hindi narin naman nito nakumbinsi ang mga magulang na sumama sa kanya. Wala rin itong balak na samahan ang mga ito sa bundok. Kaya tanging mahigpit na lang na yakap nagsilbing pabaon nito sa ama, ina at mga kapatid.

Matapos maihatid sa paanan ng bundok ang pamilya, malungkot na bumalik ng siyudad si Nexus. Makulimlim na sa mga oras na iyon ngunit sa kabila ng makakapal na kaulapan, tanaw parin ang bagay na iyon sa kalangitan. Nagmistula itong buwan sa tanghaling tapat. Bandang hapon na nang makabalik sa kanyang condo ang lalake. Paakyat na ito sa kanyang unit sakay ng elevator nang tumawag sa kanya si Astor.

“Anong findings pare? Alam na ba diyan kung ano ang bagay na iyon sa kalangitan?”  Bungad agad na tanong ni Nexus sa kaibigan.

“Galing ang feed na ito sa NASCA mismo. At napagtanto nila na hindi ito isang alien anomaly.    Galing mismo sa earth ang object na nakikita ng lahat. Kung sino, ang may gawa nito at kung paano ito nagawa. Iyon ang malaking palaisipan sa lahat. Hindi nila ma hack ang system na nakapaloob dito ngunit ayon sa mga data na nasagap mula sa ibang bansa. Simula nang lumitaw ang bagay na ito sa kalangitan nagkaroon ng mga technical error at mga unpredictable glitch ang mga security server at private system ng  ilang mga bansa. “  Detalye pa ni Astor.

“Nexus si Vnx ito. Naka-duty ka pa rin ba sa CBS ngayon?”

“Hindi na, nasa condo na ako Vnx. Bakit?”

“Kailangan natin ipaalam agad sa lahat ng tao ang tungkol dito bago pa tuluyang maagaw ang lahat ng frequency ng bagay na iyon.” May pag-aalala sa boses ni Vnx.

“Teka ano ba ang nangyayare? Ano ang tungkol sa sinasabi mong frequency?” Natataranta na ring tanong ni Nexus sa babae.

“Pare, ayon sa nakarating sa amin, marami ng bansa ang walang access sa lahat ng uri ng komunikasyon. Tila may kung anong frequency blockage ang humaharang sa mga signal. Kaya limitado na rin ang mga datos at impormasyon na nakalap namin mula sa labas ng bansa. Nababahala si sir Gab na baka mangyari din sa bansa natin ang nangyayari sa iba. Isang malaking pandemonium ito kung hindi agad maaabisuhan ang lahat.” Dagdag pa ni Astor.

Hindi man sigurado sa pagkakaintindi sa ibig ipahiwatig sa kanya ng dalawang kaibigan, isa lang ang nasa isip nun ni Nexus. Ang gawin ang kanyang parte upang makatulong sa kahit na anong paraan.

Mabilis itong bumalik pababa sa parking lot. Hindi naman malayo ang network na pinagtatrabahuan ni Nexus mula sa kanyang condo. Kaya wala pang bente minutos nandoon na ito. Ngunit bago pa man ito makapasok sa compound ng network hinarang na ito ng guard.

Hindi ito pinayagang makapasok sa di masabing dahilan. Hindi na rin namilit pa si Nexus at napaatras na lang ito. Papaalis na ito nang makita nito ang co reporter na kumakaway sa kanya. Itinabi ni Nexus ang kotse  tsaka bumaba ito at nilapitan ang katrabaho.

“Ano ang nangyayare bakit hindi ako pinapapasok ng guard sa loob?”

“Big question. Maging kami dito kanina, nagulat nang bigla na lang kami pinauwi lahat ni boss Ely. Magbabalita pa sana ako tungkol sa mga kaganapan after lumabas ang that thing na iyan nang pinahinto na nito ang live airing ng segment namin.” Kuwento pa ni Kara kay Nexus.

“Sa ganitong situwasyon pa talaga? Eh di nasa spot ngayon ang kalabang network?” Tanong na tugon ni Nexus.

“Kakatawag lang sa akin ni King, maging sila pinapahinto ng management sa pag ere. Pati na ang mga online platforms ng news tsaka lahat ng estasyon sa radyo naka tigil ang pag ere. Pati nga kami dito nagpapanic na. Clueless kami pero parang gets na rin namin ang nangyayare.” Ani pa ni Kara.

“Nag declare ba ng news blackout ang gobyerno?” Dagdag pa na tanong ni Nexus.

“I don’t know, maybe…ewan. Baka paraan ito ng gobyerno upang huwag na lituhin ang mga tao at makadagdag pa ng takot sa lahat.  Nexus ano na ba ang nangyayare sa mundo? End of days na nga ba talaga ito?” Ang mangiyak-ngiyak na si Kara.

“Kakatanggap ko lang din ng info tungkol sa ‘that thing’ na iyan. Human made ang bagay na iyan at walang kinalaman sa judgement day na pinapakalat ng mga walang magawa kundi ang bigyan lang ng takot ang lahat. Hindi rin iyan UFO, sort of…kasi hindi pa tukoy talaga kung ano ang ginagawa niyan diyan sa atmosphere natin. Pero hindi iyan Alien intervention at walang invasion Kara. And people should be informed about this nang matigil na pagiging maligalig ng lahat. Kung hindi malalaman ng lahat mas lalala lang ang kaguluhan at baka iyon pa ang magiging sanhi ng pagkasira ng tao…hindi ng mundo.” Paliwanag ni Nexus.

“So kaya ka bumalik para, ipakalat ang information na ito?”

“Definitely, pero paano ko pa ito magagawa eh nakasara na ang building. At ayon pa nga sa iyo, hindi lang tayo ang Naka shutdown kundi pati na ang iba pang mga network. Nakikita ko na Kara, hindi maganda ang mangyayari kapag nagpatuloy ito.” Ang nababahala nang si Nexus.

“Online what do you think? Lahat ngayon nakababad sa social medias because of this thing. Tutulungan kita magpakalat ng information.”

“Pero hindi lahat may access sa social media. Hindi lahat connected online. Kailangan natin ng malawak na coverage. Higit sa lahat kailangan natin ng mas credible na source. Dahil kung tayo-tayo lang din magmumukhang fake news lang ang lahat. At sa halip na makapag- pacify tayo ng sitwasyon, baka lalo lang magdulot ng kalituhan sa lahat.” Pagdadalawang isip ni Nexus sa suhestiyon ni Kara.

Nang mapalingat ang dalawa dahil sa sigaw ng isang lalake na tinatawag ang kanilang pangalan. Nabuhayan ng pag-asa sina Nexus at Kara nang makita ang tumatakbong sa Jayrol. Isang cameraman, news director ng news center, at may access sa building 4 kung saan naroon ang news room. Agad na pinaliwanag ni Nexus ang lahat tungkol sa kanilang balak. Hindi naman nag-atubili si Jayrol na tulungan ang dalawa. Sarado na ang lahat ng entrance ng building kaya no choice ang tatlo kundi ang umikot sa likod ng building, kung saan nandoon ang mga fire exits.

Samantala sa Philippine Aeronautics Space and Astronomical Center (PASAC). Kung saan nandoon sina Astor at Vyx kasama si Sir Gab. Isang grupo ng mga armadong sundalo ang umaresto sa kanila at isinakay ang tatlo isang armored type tank van. Hindi naman sila sinaktan ng mga ito ngunit nakaposas ang kanilang mga kamay.

Kinumpiska ng mga sundalo ang mga gamit nilang cellphone bago sila ipinasok sa loob ng isolated van.

Walang kaalam-alam ang tatlo sa dahilan kung bakit bigla na lang sila inaresto ng mga sundalo sa loob ng research facility. Dahil hindi man lang nagsasalita ang mga sundalong dumampot sa kanila nang kausapin nila ito. Hindi na rin umalma ang tatlo dahil marami ang mga iyon at armado ng mga kakaibang uri ng baril. Malalaki ang kanilang dalang armas at sa anyo palang nun batid na ng tatlo na hindi iyon pangkaraniwang armas.

Tahimik lang na nagtitinginan ang tatlo sa loob ng van. Nakikiramdam sa mga nangyayari. Nang may inilabas si Astor mula sa kanyang bulsa. Napangiti si Sir Gab nang mapansin ang bagay na idinikit ni Astor sa upuan nito.

“Maisip sana ni Nexus na pumunta dito.” Wika ni Astor sabay pindot sa maliit na bagay na idinikit nito sa upuan. Umilaw iyon ng berde, tsaka muling namatay ang ilaw.

“Buti naisip mong mag-iwan ng bakas. Hindi nga ako nagkamali sa iyo.” Ang napangiting tugon ni Sir Gab kay Astor.

“Paano pa na naging hacker ako kung hindi ko naman magagamit sa sitwasyong ganito.Pero sana nga lang magawa ni Nexus ang sinabi ko sa kanya. At sana masundan niya tayo.” Pabulong na sabi ni Astor sa dalawa.

“Ano kaya ang gagawin nila sa atin? Bakit nila tayo hinuli? At napansin niyo ang mga baril nila. Ibang klasi iyon. Sa mga sci-fi movie ko lang nakikita ang ganung modelo ng baril. Hindi ko alam na afford din pala ng Pilipinas ang ganun ka high grade at high-tech na baril. Pati itong isolated van. Daig pa natin ang mga wanted na mutant ng X-men sa ayos natin dito. Pati itong posas sa mga kamay natin kakaiba. Electronic.” Komento pa ni Vyx na hindi man lang kinakitaan ng pangamba sa nangyari sa kanila.

“Ito na ang pagsibol ng panibagong era. Sana nga lang handa tayo.” Ang napabuntong hininga nalang na si Sir Gab.

Malayong-malayo na ang tinatakbo ng kanilang sinasakyan. Ngunit kung saan sila dadalhin nito… wala silang alam.

THE BEGINNING

Nakapasok na nun ang tatlo sa newsroom ng network na pinagtatrabahuan ng tatlo. Hindi na nag-aksaya pa ang tatlo at agad na nag-set up para maisagawa ang plano nila. Handa na sa pag-ere ang tatlo ngunit nang isinuot na ni Jayrol ang headset nito bigla na lang ito narinig ng nakakangilong tunog na napakasakit sa tenga. Agad nitong tinanggal ang headset. Ramdam parin ni Jayrol ang pag-alingawngaw ng tunog na iyon sa tenga niya. Tila nahilo ito dahilan para matumba ito sa sahig.

Napansin ng dalawa ang nangyari kay Jayrol kaya mabilis na tinungo ng mga ito ang kasamahan.

“My god Jayrol ano ang nangyari sa iyo? Ang tenga mo dumudugo.” Ang Tarantang sabi ni Kara nang makita ang kalagayan ni Jayrol.

“Ang tunog, ang sakit sa tenga.” Sagot ni Jayrol habang tinatakpan ng mga palad ang mga tenga.

“Anong tunog pare? Kaya mo pa ba?” Paglapit ni Nexus na tinulungan ang lalake na maitayo.

Nanginginig ang kamay ni Kara sa takot. Kinuha nito ang kanyang cellphone at akmang tatawagan sana ang kasama nito sa kanilang bahay nang bigla na lang napalitan ng nakakangilong tunog ang dial tone ng cellphone. Kakaiba ang tunog na iyon na sobrang napakasakit sa tenga at ang naranasan ni Jayrol ay nangyari rin sa kanya. Naitapon nito ang hawak na cellphone at napatabon na din ng mga kamay sa kanyang tenga. Tila nakaranas ito ng pagkahilo, tsaka ang tunog na kanyang narinig ay parang echo na umiikot sa kanyang utak. Napansin na lang din nito na dumudugo ang kanyang tenga at ilong.

Sa nakita sa mga kasamahan kinabahan si Nexus, nag-alala ito at kinutuban ng hindi maganda. Kinunan nito ang kanyang cellphone at binuksan iyon. Sinubukan nitong tawagan si Astor ngunit nang akma na nitong ilalapit ang cellphone sa kanyang tenga, bigla na lang sila nakarinig ng napakalakas na pagsabog. Kasunod nun ang pagdagundong ng nakakakilabot na tunog na animoy nagmumula sa napakalaking trumpeta. Nagkatinginan ang tatlo na binalot na ng pagkabahala at takot.

“Ano ang tunog na iyan Nexus? Saan galing ang pagsabog na iyon?” Ang takot na takot na tanong ni Kara na napakapit na lang sa braso ni Nexus.

“Ang huling trumpeta na nakasaad sa revelation. Hindi kaya ,end of the world na talaga ito pare?” Ani pa ni Jayrol na takot na rin.

Biglang naisip ni Nexus ang mga magulang nito at mga kapatid. Sa mga sandaling iyon tila tinanggalan na ng lakas sa mga binti ang lalake at napasandal na lang ito sa isang sulok.

“No, hindi ito maari.” Wika ni Nexus, kumilos ito at tinungo ang pintuan ng newsroom at lumabas doon.

Sumunod kay Nexus ang dalawa. Nasa hallway ang tatlo palabas na nun sa fire exit ng building nang yanigin naman ng malakas na pag-alog ang building. Isang malakas na lindol ang dumagdag sa takot ng tatlo. Nagpasya ang tatlo na magpatuloy sa kabila ng papalakas na mga pagyanig. Hindi pa man sila umabot ng fire exit bigla na lang bumagsak ang kisame. Bumigay din ang salamin na harang sa isa pang silid. Papalakas na mga pag-uga ng paligid ng gusaling iyon. Tarantang taranta na ang tatlo at hindi na alam kung saan sila dadaan dahil naharangan na ang papuntang fire exit ng mga nagbagsakang parte ng kisame.

Kung iyon ang nararanasan ng tatlo sa loob, mas nakakahilakbot ang mga tagpo sa labas. Kaliwa’t kanan ang mga nagtutumbahang mga building at imprastraktura sa bawat parte ng siyudad. Nagsasagutan ang mga sumasabog na mga gasolinahan sa paligid. Balot ng takot ang mga mukha ng tao na aligagang naghahanap ng masusumpungan ligtas na lugar. Bukod sa mga malalakas na mga pagsabog, umaalingawngaw din ang mga panaghoy, iyak, sigaw at paghingi ng tulong ng mga tao na hindi alam ang gagawin. Nakakapanglumo ang tagpo, lubhang nakakatakot ang mga tanawin.

“Hella, subukan niyo ni Max na makakuha ng kotse, tatakas tayo dito!” Sigaw ng lalake habang akay-akay ang isang bata na umiiyak sa kanyang mga bisig.

“Huwag kayong aalis dito, babalik kami agad” tugon ng babae, at tumakbo ito paalis kasama ang isang lalake na nakaabang sa kanya.

Nakakubli sa gilid ng natumbang gusali ang lalake na may yakap-yakap na bata. Mababanaag ang takot nito sa mukha para sa kanilang kaligtasan.

“Papa mamatay na ba tayo? Si mama hanapin natin si mama. Papa.” Ang pagtangis ng isang musmos na bata na naghahanap ng sagot sa napipinto nilang kapahamakan.

“Hindi tayo mamamatay anak, hihintayin lang natin ang tita Hella mo at hahanapin din natin ang mama mo. Just pray and be brave.” Tugon ng ama sa anak na pilit pinapakita ang pagasa sa kabila ng madilim na katotohanan.

Napansin ng bata ang dumudugong sugat ng ama sa kaniyang binti. Batid ng bata na tiniis lang ng ama ang kirot nun kaya kumawala ito sa mga braso ng ama. Kinuha ang scarf na balabal sa leeg at ipinantali iyon sa sugat ng ama. Makaraan pa isang armored car ng isang bangko ang huminto sa puwesto ng mag ama. Sakay nun ang naunang babae na inutusan ng lalake.

“Bilis Onix sumakay na kayo sa likod!” Sigaw ni Hella sa dalawa.

Paika-ikang inakay ng ama ang anak at tinungo ang likod ng sasakyan. Ilang hakbang na lang ang dalawa ng mapatingala si Onix sa kalangitan. Isang nagliliyab na bagay ang bumubulusok patungo sa kanilang direksyon. Nanglaki ang mga mata ni Onix nang malapit na iyon sa kanila. Niyakap na lang nito ang anak at ipinikit ang mga mata. Pagkabagsak ng bagay na iyon nag dulot iyon ng napakalaking pagsabog. Naghatid iyon ng panibagong mga pagyanig sa paligid. Balot na ng usok at alikabok ang paligid. Nasundan pang muli ang mga pagsabog na iyon. Sa lahat ng direksyon mayroon.

Saglit na humupa ang mga pagyanig. Tila pinatikim ng pansamantalang katahimikan ang paligid. Ngunit muli na naman iyon binulabog ng mga nakakabinging pagsabog malapit sa kinaroroonan ng tatlo.

Sa isang sulok ng gusali nagkukumpulan ang tatlo sa takot, ang kanilang mga boses ay nanginginig habang ang gusali ay unti-unting gumuho sa kanilang paligid. Napuno ng alikabok ang hangin, at ang mga labi ng bahagi ng gusali ay nahuhulog, na umaalingawngaw sa bawat sulok ng lugar

“Oh God, ito na. Mamamatay na tayo.” Ang takot na si Kara

“Hindi, hindi, hindi. Kailangan nating manatiling kalmado. Kailangan nating humanap ng paraan.” Saad ni Nexus na nagngangalit ang ngipin.

“Saan?! Wala na ang daan! Nakulong na tayo!” Ang nagpapanic na wika ni Jayrol

Humihikbi na sa takot si Kara…“guguho na itong building, wala na tayong ligtas.

“Dapat may ibang paraan. Isang bintana? Isang ventilation shaft? Tumingin kayo sa paligid”. Tugon ni Nexus na desperado narin sa nangyayari sa kanila.

“Ito na ang katapusan natin.” Ang pag hysterical pa ni Kara.

Sinubukan ng dalawang lalake na tanggalin ang mga nagbagsakang bahagi ng pader at kisame na humarang sa sana daanan nila. Pasikip na ng pasikip ang nalalanghap nilang hangin sa loob. Dagdag pa ang mamatay-matay ng mga ilaw doon. Muli silang nakarinig ng mga pagsabog.

Nang biglang, isang malakas na langitngit na ingay ang pumuno sa hangin, at ang sahig sa ilalim ng mga ito ay nabuwal at muling nagsibagsakan sa kanila.

“AHHH!” Rinig na sigaw ni Kara

“God, please…. “ Ang tanging na sambit na dasal ni Nexus.

Ang tunog ng gumuguhong kongkreto at paikot-ikot na metal ay lumalamon sa kanila habang ang gusali ay nagpapatuloy sa kapahamakan nitong pagbagsak. Gumuho pati ang sahig na kinatatayuan ng tatlo.

Isang nakakabinging kalabog, na sinundan ng nakakatakot na katahimikan.

“Kara…Jayrol…” Rinig pa nun ang mahihinang pagsambit ng mga pangalan ni Nexus bago ito tuluyang bumigay at nawalan ng malay.

Ang kalunos-lunos na tagpo sa labas ay walang kaparis. Daig pa ng winalis ng digmaan ang paligid. Sa isang sulok ,nandoon si Onix nakahandusay sa wasak na kalsada. Duguan, hinang-hina ngunit humihinga pa. Sinubukan nitong maimulat ang mga mata kahit hirap. Mga nakakabinging pagsabog parin ang umaalingawngaw sa paligid. Nang makuha na ni Onix makagalaw, pinilit naman nito ang sarili na makabangon. Nang mapansin nito na wala na sa kanyang tabi ang anak. Biglang bumalik ang lakas nito at agad na itinayo ang katawan. Hinagilap sa paligid ang anak na kanina lang yakap nito.

Makapal ang usok at alikabok sa paligid kaya nahirapan itong sipatin ang kinaroroonan ng anak nang mapansin nito ang isang sapatos na nakasabit sa isang nakausling bakal sa semento. Bumigay na lang muli ang lakas nito nang may nakita ito sa mga debris ng nagtumbahang mga kotse. Naroon ang kanyang anak, kasama ang katawan ng iba pang nadamay sa malakas na pagsabog na iyon.

Bilang ang mga hakbang ni Onix habang papalapit sa anak. Hindi na nito naramdaman ang sakit ng kanyang sugat sa paa. Dahil mas nangibabaw ang sakit na dumudurog noon sa kanyang puso.

Sa gitna ng nagkalat na mga labi ng pagkawasak, napaluhod si Onix sa lupa, hawak ang katawan ng kanyang anak na wala ng buhay. Namutawi sa mga mata ni Onix ang pagtangis ng isang ama. Bumuhos ang kanyang luha habang tinatanaw ang naglahong buhay ng kanyang mahal sa buhay. Niyakap na lang ng mahigpit ni Onix ang anak at napangawa,tsaka napahagulgol ng iyak.

Nasa tagpong iyon si Onix nang mapansin ito ni Hella na sugatan din. Nakatayo ito na napaluha na lang sa sinapit ng anak ng kaibigan. Paika-ika itong humakbang para tunguhin si Onix nang may naaninag ito mula sa malayo. Malabo ang nakikita nito dahil sa mga usok sa daan. Ngunit ng may nakita itong lumiwanag sa bahaging iyon. Nahintakutan ang babae at kahit hirap sa kilos sinikap nitong makalapit agad kay Onix.

Nang makalapit na ito sa lalake, agad nitong hinila si Onix, nagmamadali at nag-aalala. “Onix, kailangan nating umalis dito! Ngayon! Ang mga robot ay papalapit na!” tinignan niya si Onix na may pangamba.

Bumangon si Onix, tumayo ito, ngunit ang kanyang mga mata ay nakatali sa akay-akay na anak.

May malalakas muli na pagsabog sa kalayuan. Tinignan ni Onix ang paligid, “Saan ko dadalhin ang aking anak? Hindi ko iiwan ang anak ko dito!” sigaw niya sa pagkabalisa.

Nangangamba si Hella na baka katapusan na rin nila kaya sinabihan nito ang lalake , “Hindi tayo pwedeng mag-stay dito! mamamatay tayo!”

Tinignan ni Onix ang anak, pagkatapos si Hella. Biglang bumalik sa pagkakaupo si Onix at hinalikan ang anak. “Paalam, anak ko… mahal kita!,” sigaw niya sa pagkabalisa.

Papalapit na sa kanilang puwesto ang napansin ni Hella na tila mga robo. Nagpapakalat ang mga iyon ng mga laser beam. At pinapasabog ang lahat sa kanilang madaanan.

Hinatak na ni Hella si Onix. “ONIX, TAYO AY KAILANGANG UMALIS NGAYON! WALA NA SI JUNI, HALIKA NA!”

Tumingin muli si Onix kay Hella, pagkatapos sa anak niya. Biglang tumayo ito at sinundan si Hella. Naglaho sila sa mga nagkalat na labi ng pagkawasak.

Ang mga robot ay nagpapatuloy sa pagpapakalat ng kamatayan, habang si Onix at Hella ay nagtatakbo para sa kanilang buhay. Ang kanilang mga paa ay nagbabangga sa mga labi ng pagkawasak patungo sa direksyon na walang kasiguraduhan, habang ang kanilang mga mata ay naglalabas ng mga luha para sa mga naglahong buhay.

Ang mundo ay nagiging pugad ng kamatayan. Mula sa kakatwang bilog na tila mata sa kalangitan, biglang umusbong ang kalituhan. At sa isang kurap nagbago ang lahat, Sa bagay na iyon lumuwal ito ng mga robot na may mga mata ng apoy. Bumulusok sa kalupaan upang sakupin ang mga siyudad. Lumalakad sa mga kalye, nanghahabol sa mga nagtatatakbo, at nagbabangga sa mga gusali upang wasakin.

Ang mga naturang robot na tao ay may mga braso na parang laser beam, na naglalabas ng apoy na nakakamatay. Lumulusaw ng bakal at nang aabo ng laman. Ang kanilang mga paa ay may mga kuko na tila naglalaman ng pagmamalupit, na dumudurog sa mga gusali

Ang mga tao, na dati ay nagmamalasakit sa isa’t isa, ay ngayon ay nag-aagawan sa mga labi at kakapiranggot ng pagkain. Nag-aaway sa mga tubig. Nag-aagawan sa mga lugar na ligtas. Ngunit walang lugar na ligtas para sa mga makina na ang hangad ay burahin sa mundo ang lahi ng lumikha sa kanila. Pinapasok ng mga robot ang bawat pinto, winawasak ang mga dingding, at pinapatay ang lahat ng may buhay. Tao man o hayop.

Ang langit, na dating bughaw, ay ngayon ay nagiging itim at ang kaulapan ay napinturahan na ng pula. Ang hangin, na dating malinis, ay ngayon ay nagiging mahapdi na sa mata. Ang mundo, na dating puno ng pag-asa, ay ngayon ay nagiging pugad na ng kawalan ng liwanag. At naging lupain na ng kamatayan. Ang mga tao ay naghihingalo, nag-aagawan sa mga huling pag-asa. Ngunit hindi humihinto ang mga bakal na buhay hangga’t may nakikita silang humihinga.

Isang bata ang tumakbo sa kalye, putikan at sugatan. Hinahagilap sa kawalan ang kanyang ina. Ngunit ang ina ay nawala na sa kanyang paningin. Hindi na nito nasumpungan ang ina. Sumisigaw ito na puno ng takot at kawalan ng pag-asa. “Nanay!”,

Ngunit walang sumagot. Ang bata ay nagpatuloy sa pagtakbo, hanggang sa siya ay nakita at nahabol ng isang robot. Huli na ang lahat para sa isang wala muwang na paslit.

Ang kalupitan ng tao ang siya ring tumapos sa hininga nito.

Ito ang katapusan ng mundo. Ito ang katapusan ng sangkatauhan. Ang mga robot ang nagpapakalat ng kamatayan. Ang mga makina ang nagpapakalat ng pagkawala. At ang mga tao ay naghihingalo sa mga labi ng kanilang pagkakamali.

Sa kabilang banda…

Palabas ng siyudad ang tinatahak na landas ng armored van kung saan lulan sina Sir Gab, Astor, at Vnx,. Convoy ng van ang nasa limang high powered miliary tanker ng mga sundalo. Habang nagkukuwento ang tatlo tungkol sa kanilang nakaraan. Bigla, nag-alarm ang system ng van.

“Anong nangyayari?” Tanong ni Vnx na nagulat sa pagalarma sa loob ng sinasakyan nilang van.

Nang umalog bigla ang van. Tila may malakas na puwersa na tumama sa katawan ng van.

Mula sa kung saan nagsilabasan ang mga tanker at tinambangan ang mga sundalo. Hindi nila inaasahan ang pag-atake na iyon sa kanila. Tulad ng mga dala ng mga sundalo. High armored din ang tanker ng mga sumalubong sa kanila. Sakay nun ang mga rebelde na armado rin ng malalakas na armas.

Nagpasabog ang unang tanker ng mga rebelde at sapol agad ang dalawa sa naunang convoy. Palitan ng putukan ang magkabilang parte. Umuulan ng mga bala at laser beam mula sa kani-kanilang mga hawak na armas

“Mga kasama, kumilos! May bihag na sakay sa van.Tulungan natin sila!” Utos ng lider ng mga rebelde na si Ekiz sa pamamagitan ng comms device.

Lumabas ang ilan sa mga rebelde, at nagpaputok ng mga armas sa mga sundalo. Taub ang ilan sa mga military tanker ng mga sundalo dulot ng mga rocket launcher na pinapaulan ng mga rebelde. Gumaganti naman ang mga sundalo at tatlong military tanker din ang sumabog sa kampo ng mga rebelde. Ngunit wala paring panalo ang mga sundalo. Nasa panig ng mga rebelde ang magandang puwesto. Madugo ang labanan. Batid ng mga sundalo na wala silang panama sa harapang sagupaan kaya ginamitan na nila ng stratehiya. Nagpapakalat ang mga ito ng mga drone, na siyang bumabaril sa mga rebelde.

Sa tindi ng mga putukan at lakas ng mga pagsabog. Napagtanto ng tatlo na nasa gitna sila ng isang labanan. Narinig ng mga ito ang pwersahang pagbubukas ng pintuan sa likod ng van. Kasunod nun ang malakas na pagsabog. Gumawa iyon ng awang sa pinto. Saglit pa bumukas iyon. Isang lalaking nakasuot ng balabal na nakatakip sa mukha ang sumampa sa loob ng van.

“Huwag kayong matakot, kakampi kami. Tara na habang abala ang lahat.” Wika ng lalake nang inutusan ang tatlo na bumaba na ng van.

“May mga sundalo sa likod mo!” Sigaw ni Vnx ng mapansin ang sundalo na akmang babarilin ang lalake.

Maagap naman ang kilos ng lalake at naunahan nito sa pagbaril ang lalake. Sapol iyon sa ulo. At ikinagulat ng tatlo ang kanilang nakita. Sa halip na dugo ang inaasahan nila mula sa binaril na sundalo. Mga kawad ng kuryente at sumisirit na boltahe ang nakita nila mula sa leeg ng sundalo matapos matanggal ang ulo nito.

“Putcha ano ang mga iyan?, mga sundalong Android?” Bulalas ni Astor.

“Hindi sila tao. Halina kayo baka nakatawag na ng reinforcement ang mga dekable na iyan.” Tugon ng lalake at nauna itong bumaba ng van.

“Tulungan natin ang mga rebelde!” Saad ni Sir Gab.

“Paano , nakaposas tayo sir. Tinulungan nga tayo, iniwan naman tayong may bracelet sa kamay.” Sabi ni Astor sabay taas ng kamay nito na may posas.

“Di bale na, umalis na tayo dito.” Ani pa ni Vnx.

Lumabas sina Sir Gab, Astor, at Vnx, Isa pang rebelde ang sumalubong sa tatlo. May hawak itong device na pinangtanggal nito sa mga posas ng tatlo.

“Tutulong kami.” Wika ni Sir Gab. Agad nitong kinuha ang baril sa nakabulagtang sundalo, nagpaputok agad ito ng mga armas. Sapol sa dibdib ang papasugod na sundalo. Nagkakagulo ang labanan.

Namulot din ng baril sina Vnx at Astor. Hindi man nila alam ang mga nangyayare, ngunit batid ng dalawa na kailangan nilang lumaban para sa kanilang buhay. Lalo na ng malaman na mga robot pala ang mga inakala nilang mga sundalo.

Ilang mga ebelde rin ang nagkalat sa lupa, na tinamaan ng mga laser beam. May mga nasawi ngunit tagumpay ang misyon ng grupo. Walang natira sa mga sundalo

“Dalhin ang lahat ng puwedeng mapakinabangan. Lahat nilang mga armas kumpiskahin. Walang iiwan sa kanila!” Utos pa ni Ekiz sa mga kasamahan.

Tinangay ng mga kasamahang naiwan ni Ekiz ang mga naiwang tanker ng sundalo tanging ang van at mga sumabog na iba pa ang naiwan doon.

Dinala sina Sir Gab, Astor, at Vnx sa underground tunnel sa isang bundok. Doon, nakita nila ang mga tao na maagang nakapagtago bago pa nangyari ang mala apocalyptic na kaganapan sa buong kalupaan.

“Kami ay nagpapasalamat sa inyo. Ngunit ano ba ang nangyayari sa mundo?” Tanong ni Astor kay Ekiz.

“Winawasak na nila ang mundo upang bigyan ng panibagong bihis. Dumating na sila upang palitan ang lahi natin sa mundong ito.” Tugon ni Ekiz.

“Saan at paano niyo nalaman na magaganap ang lahat ng ito?“usisa ni Sir Gab.

“Dahil sa isang bata, ngunit hindi na siya namin Inabutan ng buhay.” Ang malungkot na sagot ni Ekiz.

Naguguluhan man, sapat na ang kanilang nasaksihan upang seryosohin ang mga nangyayare.

“Ano ang gagawin natin?” Tanong ni Astor

“Magtutulungan tayo. Makikipaglaban tayo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Tao ang lumikha sa kanila, kaya tao rin ang magbubura sa kanila.” ayon pa kay Ekiz.

Ang kinasadlakang katapusan ng lahat ay siyang simula pa lang. Ang pagbabago ay napipinto pa lang ngunit ang kahahantungan ng mundo ay nakatakda na. Nakasulat na at ito ay nagaganap na.

AFTERMATH

Anim na buwan matapos ang paglilinis.

Ruins 39, Anchor camp:

“Nagising na ba siya Hero?”

“Wala parin siyang malay Kapitan Gai-rone. Pero ang sabi ni Zura saglit daw itong umungol, magandang sinyales na bumubuti na ang kalagayan niya.”

“Mabuti kung ganun. Ano ang balita sa North bound central, nakauwi bang ligtas ang mga lumabas?”

“Kasamaang palad Kapitan, wala po ni isa man sa kanila ang nakabalik. Nagpadala na kami ng drone spy sa area ngunit negative. Wala na kaming nakitang mga bakas nila. Marami na po ang takot sumubok sa labas. Kung magpapatuloy ito sa loob ng apat na buwan pa, mauubusan na tayo ng supply ng pagkain.”

“Maraming salamat Hero, bumalik ka na sa puwesto mo.”

“Hindi man tayo mapupuspos ng mga de kable na iyan, mamamatay naman tayo sa gutom nito. Hanggang kelan mo pa kayang ipain ang ilan para sa prinsipyo mo Gai-rone?” Wika ng isang lalake na lumapit sa kinatatayuan ni Gai-rone.

“Hindi ito tungkol lang sa prinsipyo Kerubi. Lahi ng mga tao ang pinaglalaban ko. Kaya huwag mo nang kwestyunin ang mga desisyon ko kung isang butil lang ng monggo ang utak mo.” Ang napikon na tugon ni Gai-rone.

“Anong lahi pa ang ipaglalaban mo kung wala ng matira sa atin dahil diyan sa baluktot mong pamamaraan?! Ilan na ba ang nasawi? Nabilang mo ba? At ilan na lang tayo ang natira na umaasa sa bukas na imposible namang nangyari? Tapos na ang yugto ng mga tao Gai-rone, at ang makipag-ayon sa pagbabago ang susi upang mailigtas pa ang ating lahi!” Pangangatwiran pa ni Kerubi.

Isang malakas na suntok ang tugon ni Gai-rone sa sinabi ni Kerubi. Sapol iyon sa mukha kaya napuruhan si Kerubi at bumagsak sa sahig.

“Kung iyon ang nais mo lisanin mo ang lugar na ito at huwag na huwag ka nang babalik dito na nagsisisi sa kahangalan mo! Hindi namin kailangan ang tulad mo sa grupo.  Alis, bukas ang Anchor camp para nais ang kamatayan! Alis!!!” Bulyaw ni Gai-rone nang pinagtabuyan nito si Kerubi.

“Tatandaan mo ito Gai-rone, sa atin dalawa ikaw ang magsisisi. Aalis ako ngunit babalik ako. Hindi para magmakaawa sa iyo kundi ang ipamukha sa iyo na mas kahibangan ang managinip ng dilat!”

Nilisan ni Kerubi ang Anchor camp, ngunit hindi lang siya ang nagpasyang umalis doon. Halos higit sa kalahati ng mga refugee ng camp ay umanib at sumang-ayon sa nais nito. Hindi na humadlang pa si Gai-rone sa mga sumama sa kaibigan. Binigyan niya na ng laya ang lahat. Isang hakbang na mabigat sa loob niya, ngunit pabor sa mga naiwan dahil sa paglisan ng iba, mapapahaba pa nila ang mga natirang mga supply. Iyon ang akala ni Gai-rone. Humahangos na lumapit sa silid ng kapitan si Zura. Balisa ang mukha at balot ng pag-aalala.

“Nilimas nila lahat ang mga nakatagong supply Kapitan. Wala silang itinira para sa mga naiwan sa camp. Nakaplano na lahat ang kanilang paglisan. Paano na tayo nito. Mamamatay tayong lahat sa gutom.” Pag-aalala ni Zura.

“Ang mga hangal. Tipinin ang mga naiwan. Hintayin ako.”

Sa galit ni Gai-rone nasuntok nito ang salamin sa dingding at nadurog iyon ng pino. Nagngangalit ang mga ngipin nito habang pinagmamasdan ang dumudugong kamao.

Dinurog ng husto ng mga de kableng mga bakal ang buong bansa, bawat lugar, siyudad o nayon winawasak at winalis na parang mga basura. Wala ng masisilayan pang buhay na kumikilos saan man ibaling ang tingin. Nagkulay kalawang na ang mga katubigan. Ang dating mga luntiang paligid ngayon nanunuyot na at wala ng sibol na dahon. Nagmistulang niyukot na mga papel ang mga nagtatayugang mga gusali noon. Wala na talagang natira sa paligid.

Ito ang bumungad na tanawin sa mga pinalad na nakapagtago bago tuluyang inabo ng mga robots ang siyudad.

“Kerubi, saan ang destinasyon natin nito? Naniniwala kami sa sinabi mo, kaya sana alam mo kung paano kami iligtas at saan tayo puwedeng ligtas.” Sigaw ng isang lalake mula sa mga grupo na sumama kay Kerubi.

“Hindi pa tayo lubusang nakakalayo sa camp, kung pahapyaw lang naman ang tapang niyo at tiwala, ngayon pa lang mag desisyon na kayo. Bumalik na ang mga duwag sa inyo. At hintayin ang tuluyang paglubog ng mga araw niyo. Sa mga malalakas at buo ang loob, umabante na tayo patungo sa landas ng makabuluhang pagbabago.” Tugon na paalala ni Kerubi.

Nasa mahigit isang daan ang mga nakumbinse ni Kerubi para sa kanyang layunin. Binaybay nila ang malawak ngunit wasak na kalsada patungong kanluran kung saan doon nakahimpil ang panibagong sentrong siyudad sa gitna ng mga sirang siyudad ng Negros. Ang tinawag nilang ‘Androidon’. Isang dome city, dahil sa napapaloob ito sa isang tila invisible dome na nagpoprotekta sa siyudad. Kamangha-mangha ang mga nagtatayugan at naglalakihang mga gusali dito. Kumikinang ang buong paligid dahil sa mga ilaw na tanglaw ng bawat gusali at imprastraktura roon. Ang lahat ay kumikilos at gumagalaw sa tulong ng mas advanced at makabagong pamamaraang teknolohiya. Masasabing walang buhay ang naturang siyudad,ngunit ang lahat ng naroon ay organisado, may sestima, at may pagkilos na naaayon sa kanilang sariling batas.

Ang lungsod ay isang perpektong obra ng arkitektura at inobasyon, kung saan ang mga android, artificial intelligence life form, mechanical machines at mga robots ang nagtatrabaho at namumuhay nang walang ano mang manipulasyon ng tao. Isang ecosystem na walang buhay ngunit may sariling isip at talino.

Sa sentro ng lungsod, makikita mo ang Kapitolyo ng Androidon, isang malaking gusali na hugis pyramid na may taas na isang daang metro ang taas. Ang gusali ay silyado at guwardiyado ng mga Humexan, Isang hybrid type AI Android human army. Replika na ng mga ito ang isang totoong tao mula anyo, pananalita, kilos at pag-iisip. Protektado nila ang kapitolyo na tinatawag nilang Nexarion. Kung ano ang meron sa loob, lubhang napakahalaga iyon para sa mga taga Androidon.

Mistulang isang buhay na komunidad ang naturang siyudad sa kabila ng mga makabago nitong anyo. Dahil sa ang mga nandito ay bagama’t nasa anyo ng tao, hindi naman sila mga biological life form na may buhay at pakiramdam. Malaki at malawak ang Androidon, nakakamangha dahil naitayo lang ang ganun ka high tech na lugar sa loob lang ng apat na buwan matapos ang pag walis sa mga tao sa mundo. Meron ditong tila Pamilihan ng Teknolohiya, kung saan makikita ang mga pinakabagong kasangkapan at teknolohiya. Kapansin pansin din sa lugar ang mga sasakyan na lumilipad na gamit bilang transportasyon doon. Mayroong mga transportation facilities sa bawat sulok ng siyudad. Hindi maitatanggi na ang naturang siyudad nga ay isang halimbawa ng isang Type 1 civilization.

Marami ang mga katulad ng Androidon ang bigla na lang umusbong na parang kabute sa lahat ng sulok ng mundo. At isa ang Negros sa bansa ng Pilipinas ang napiling maging sentrong himpilan ng mga ito sa bansa.

Nagpatuloy ang grupo ni Kerubi sa pagtahak sa walang kasiguraduhang paglalakbay. Kapuna-puna ang katahimikan ng paligid, walang senyales ng ano mang banta mula sa mga lumilipad o naglalakad na mga robot sa palibot. Ngunit ang kapayapaang iyon ay siyang nagdulot ng pagkabahala at takot sa iba.

“Kerubi, hindi kaya kailangan muna natin makahanap ng masisilungan ngayon. Bukas na natin ipagpatuloy ang paglalakad. Hindi namin gusto ang ihip ng hangin. Tila bumubulong ng panganib.” Wika ng isang ginang sa kumpulan ng mga babae.

“Siya nga naman Kerubi, at isa pa ang layo na ng nilakad natin pagod na rin ang iba. Maghanap muna tayo ng ligtas na masisilungan at nang makakain muna.” Sabat ng isang lalake.

“Sa tingin niyo ba may ligtas pang lugar sa paligid. Mga bulag ba kayo? Hindi niyo ba tanaw  kung nasaan tayo at kung ano ang nangyari sa lugar na ito?! Wala nang ligtas kahit na magtago pa tayo.  Maaring maibsan ang pagod natin, matugunan ang mga uhaw at gutom natin. Ngunit saglit lang iyon. Paano kung maubusan tayo? Kung nais niyo ng kalayaan at kaligtasan, humakbang tayo ng walang pag-aalinlangan! Sa muli hindi ko pinipilit na samahan ako sa layunin ko. May karapatan kayo para sa mga sarili niyo. Sa sitwasyong ito, walang puwang ang mga pabigat sa dala. Kung gusto niyo pang mabuhay, alalahanin niyo ang inyong sarili bago ang inyong katabi. .Maiwan ang gustong magpaiwan!” Ani ni Kerubi at muli itong nagpatuloy sa pag-abante.

Nahati ang opinyon ng mga kasamahan nito. Marami ang sumunod parin kay Kerubi, ngunit may ilan na nagpaiwan at piniling bumalik sa pinanggalingan. Ngunit sa kanilang pag balik isang grupo ng mga sundalo ang nakasalubong ng mga ito. Sa pag-aakalang isang tulong ang dumating nabuhayan ng loob ang mga tao at gumuhit ang ngiti ng pag-asa sa kanilang mukha. Tinangkang lumapit ng isang ginang sa mga sundalo, nagpasalamat ito at humihingi ng tulong ngunit sa halip na tumugon sa babae naglabas ng mga armas ang mga ito at agad na pinagbabaril ang mga tao. Wala silang iniwang buhay sa mga iyon.

Isang sundalo ang lumapit sa mga bangkay at sinuri ang mga ito sa pamamaraan ng pag scan gamit ang mga mata nito.

“Deteriorated na ang mga organs ng mga specimen. Inactive narin ang mga generative tissue ng kanilang katawan at kontaminado na ang kanilang mga cells ng mga sakit. Wala na tayong pakinabang sa kanila.” Wika ng sundalo.

“Sunugin na ang mga iyan, nang hindi na pamahayan ng ibang life energy form.” Utos ng isa pa.

Gamit ang kanilang armas na dala, tinupok nila ng apoy ang mga katawan ng nasawi bago nilisan ang lugar.

Balik sa Anchor camp. Dahil sa ginawa ng mga kasamahan ni Kerubi nabalot ng pag-aalala ang mga naiwan doon sa kanilang kalagayan. Kulang na nga ang mga natirang pagkain nila sa camp, nagawa pa silang pagnakawan ng mga umalis na kasama. Malaking suliranin ngayon kung paano pagkasyahin ang mga natira nilang supplies para sa mga natitirang araw at kung paano muling makakaimbak ng dagdag ganung kakaunti na lang sila. Dagdag problema iyon sa iniisip ni Gai-rone.

“Kapitan nagkamalay na siya.” Wika ni Zura.

“Makakausap na ba siya? Kayo na muna ni Hero ang bahala sa kanya. Maghahanap ako ng puwedeng pagkunan ng mga supply.” Tugon ni Gai-rone habang naghahanda sa pag-alis.

“Ikaw lang mag-isa? Hayaan mong samahan kita. Kaya na ni Hero ang camp.” Ani ni Zura.

“Hindi na kailangan, maiwan ka dito, kayo na lang ni Hero ang naiwan sa akin na maaasahan. Huwag ninyong pabayaan ang camp. Babalik agad ako bago magdilim.” Sabat ni Gai-rone.

Sa kanilang pag-uusap isang lalake ang paika-ikang lumapit sa dalawa at nakasunod naman sa kanya si Hero. Napansin sila ni Gai-rone at sinalubong ang lalake.

“Pinilit mo na ang katawan mo. Kakabangon mo pa lang sa mahabang pagkahimbing. Ang mabuti pa bumalik ka na muna sa silid mo at magpalakas.” Bungad na sabi ni Gai-rone sa lalake.

“Nasaan ako?, ano ang lugar na ito? Ang mga kasama ko?” Agad na tanong ng lalake.

“Ito ang Ruins 39, Anchor camp. Ako si Gai-rone. Punong kapitan nitong shelter. Si Zura at Hero sila ang nakatagpo sa iyo sa gumuhong building ng Central Broadcasting Studio. Dalawang araw matapos ang pag-atake.” Kuwento ni Gai-rone nang nagpakilala ito kay Nexus.

“Wala na kaming nakita bukod sa iyo. Suwerte mo at nabuhay ka pa sa tindi nang sinapit ng pagguho ng building. Iiwan ka na dapat namin, itong si Hero lang ang pumilit na dalhin ka nang malaman niyang may pulso ka pa.” Dugtong ni Zura.

“Nasa gitna tayo ng isang labanan, ngunit hindi ibang bansa ang kalaban natin. Kundi higit pa dun…mga AI machines at mga robots. Gusto na tayong burahin ng katalinuhan ng mga tao. Ang mga nilikha ay umaklas na laban sa mga lumikha. Tulad nang kung paano sinusukat ng mga tao ang kapangyarihan ng lumikha sa atin. Ngayon binabalikan na tayo ng ating ganid at kasakiman sa kapangyarihan.” Dagdag pa ni Gai-rone.

Ang Ruins 39, Anchor Camp, Isang pansamantalang shelter para sa mga nakaligtas sa wipeout. Matatagpuan sa labas ng isang nasalantang lungsod, sa silangang bahagi ng Bacolod, humigit-kumulang walong kilometro mula sa sentro ng lungsod. Ang kampo ay matatagpuan sa isang bahagi ng gumuhong stadium. Nasa tatlong daang mga tao ang kinupkop ng camp bago pa nilisan ng ilan ang lugar nang sumama kay Kerubi. Si Gai-rone ang namumuno sa buong shelter, kapitan ang tawag sa kanya ng mga kasama. Katuwang nito dati si Kerubi bago pa nagpasya ang huli na tumaliwas sa kanilang sinimulang layunin.

Dahil sa nangyaring mga pag-atake limitado na ang naging mga source nila ng tubig ,gamot at pagkain. Kaya sa halos anim na buwan na pananatiling buhay at nagtatago sa mga kalaban, ika tatlumpu’t siyam na na gusali ang nagsisilbing tahanan na ng mga naulila sa pag-atake.

Nanlomo si Nexus nang pinakita ni Gai-rone ang tinamong pinsala ng siyudad matapos maganap ang tinawag Wipeout. Ang tumambad na tagpo kay Nexus ay tila nagpanginig sa buo niyang laman. Napaluhod na lang ito at napaiyak habang iniisip ang mga mahal sa buhay na posibleng nasama na sa pagbura.

“Huwag mong panghinaan ang mga naganap. Masuwerte ka at nabuhay ka pa sa kabila ng lahat. Milagro na lang ang magising sa matapos ang anim na buwan na pagkahimbing. Ibig sabihin lang may dahilan ka pa para ituloy ang buhay. Masakit isipin ang mga mahal natin na posibleng wala na. Ngunit nasa gitna tayo ng laban, at walang puwang dito ang luha. Kahinaan ang matinding kalaban natin. Kaya kung pinapahalagahan mo ang mga mahal mo sa buhay, maging matapang ka. Huwag mong sayangin ang dinugtong sa iyong pagkakataon. Gamitin mo ito upang umalab diyan sa puso mo ang tapang. Nexus Liwanag.” Wika ni Gai-rone.

Napapunas ng luha si Nexus at napatingin kay Gai-rone. Humanga ito sa katatagan ng lalake. Nangyari na ang lahat at hindi na maibabalik ang mga naglaho, nadurog at naabo. May pangamba man sa maaring nangyari sa mga magulang, kapatid at kaibigan, dahil sa tiwala ni Gai-rone na malalampasan nila ang lahat ng iyon tumindig ng may apoy sa puso si Nexus upang bigyan ng saysay ang ikalawa nitong buhay.

Sa bisig ng bagong mga kapamilya at kaibigan nangako si Nexus sa sarili na hindi ito panghihinaan ng loob ano man ang kakaharapin pa nila sa mga susunod na minuto ng kanilang hininga. May bukas mang naghihintay o wala.

Samantala sa pagpapatuloy nila Kerubi, nadagdagan ang nalagas sa kanilang grupo matapos atakehin sila ng mga nag-iikot na drones. Nasa dalampu na lang sila ngayon na handang sumugal sa hinahangad nilang kaligtasan. Tanaw na nila ang bungad ng Androidon. Gumuhit ang ngiti ng pag-asa sa mukha ni Kerubi habang patuloy sa pagiging balisa ang iba na may bitbit parin na pag-aalinlangan, takot at kaba.

“Nandito na tayo sa bagong langit ng pagbabago. Halina kayo at tanaw ko na ang kaligtasan natin.” Ang sabi ni Kerubi sa lahat.

“Kuwan Kerubi…hindi kaya hinatid lang natin ang ating mga sarili sa ating libingan sa pagpunta diyan. Wala pang ni kahit sinong hangal ang pumasok diyan.”  Pag-aalangan ng isang lalake.

“Tang ina naman Draxon  ngayon ka pa nabahag ngayong nandito na tayo. Kung wala kang balak  na sumama sa amin magpaiwan ka rito. Hindi namin kailangan ang duwag sa grupo!.” Sabat ng isa pa na napikon sa sinabi ng lalake.

“Hindi kahangalan ang maging sigurado at huwag mong sabihin sa akin na duwag ako dahil kung may duwag man dito ikaw iyon gago.  Sa halip na tulungan mo ang kapatid mo, ano ang ginawa mo? Nagtago ka lang kahit may pagkakataon ka pa sanang iligtas ang kuya mo. Ikaw ang duwag!” Tugon ng lalake.

Nagpang-abot ang dalawa at nagsuntukan sa isa’t isa. Hinayaan lang sila ng iba habang nagtatalo. Maging si Kerubi hinayaan lang ang dalawa na maglabas ng init ng galit sa isa’t isa.

Isang putok ng baril ang umalingawngaw at nahinto sa suntukan ang dalawa. Isang lalake ang nagsalita sa kanila, sa kanya galing ang putok ng baril. Si Necxarion .

“Pumagitna sa inyo ang nais mauna?!” Sigaw nitong tanong sa dalawa habang tinututukan nito ang mga ito ng hawak na baril.

“Tama na, Valtor, Draxon hindi ito oras para mag buweltahan ng init. Gaya nang nais ko, hindi ko pipilitin ang isa man sa inyo na magpatuloy. Umabot na tayo sa hangganang ito na buhay. Ngunit kung mabigat parin ang loob niyo sa pagpasya. Maghihiwalay na tayo rito. Sumama ang may tapang at paninindigan sa desisyon. Kung may pag-aalangan. Hindi na namin kayo poproblemahin.” Ani ni Kerubi.

Sa huli wala rin namang umurong sa kanila, lahat nagpatuloy hanggang sa bungad ng Androidon. Ngunit ang pangamba ni Draxon ay tila nagkatotoo. Bago pa man makatapak sa bahagi ng siyudad ang grupo ni Kerubi sinalubong na sila ng mga Android army ng Androidon at walang hanas na pinagbabaril hanggang sa wala ng natirang gumagalaw sa kanila. Naubos ang grupo ni Kerubi na hindi man lang nagawang manlaban.

Isang sundalo ang lumapit sa mga nagkalat na katawan at gamit ang mata ini-scan nito ang bawat data ng mga kawawang tao.

“Affirmative, perfect match ang kanilang composition sa mga criteria na hinahanap natin. Mataas ang porsyento ng kanilang regenerating cells, walang damage ang mga tissue at hindi pa gaanong kontaminado ang kanilang sistema bagama’t may mga intervention at alter na ng mga synthetic stimulants at drugs.” Saad ng sundalong sumuri.

“Walang iiwan sa kanila rito, dalhin sila sa XES. At magmanman kayo sa paligid baka pain lang ang mga ito at may direktiba silang dahilan sa pag atake. Bilis!” Utos ng isang sundalo sa lahat.

Isinakay sa isang high grade armored truck ang lahat ng mga bangkay at dinala sa loob ng Androidon. At alinsunod sa utos ng isang may mataas na posisyon na sundalo agad na kumalat sa paligid ang iba sa kanila sakay ng kanilang Hover Pulse Flyer.

Sa di kalayuan sa perimeter ng Androidon, isang lalake ang nakasaksi sa mga nangyari sa bungad ng siyudad. Tanaw niya iyon gamit ang hawak na binocular.

“Tama na muna ang pagmanman Onix, bumalik na tayo sa HIVE. Paparating na ang mga sundalo ng Androidon. Hindi magandang ideya ang manatili rito. Sapat na muna ang na obserbahan natin. Tsaka na tayo magpatuloy kung sapat na ang mga nakalap natin.” Pagtawag ng babae sa lalaking nag nga-ngalang Onix.

“Mukhang tama ang teyoriya mo Hella. Binubukod nila ang mga matatanda sa medyo bata pa. O sa kahit may edad na ngunit maganda at maayos naman ang pisikal nitong katawan. Tila may pinaplano silang gawin sa mga katawan na nililigpit nila.” Tugon ni Onix.

“Kung ano man ang balak nila, may kutob akong hindi iyon maganda. Balik na tayo sa HIVE.”  Napakunot ng noo na sabi ni Hella tsaka ito umalis sakay ng Hover Pulse Flyer na siyang gamit rin ng mga taga Androidon.

Sumunod sa kanya si Onix matapos ito sumakay sa sarili nitong Hover Pulse Flyer. Nilisan nilang dalawa ang lugar ngunit nag iwan ng isang monitoring device si Onix bago ito sumakay sa sasakyan. Ibinaon niya iyon sa lupa nang hindi agad mapansin ng mga nagpapatrolyang mga sundalo ng Androidon.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.