loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
FINDING DAVE (M2M)

FINDING DAVE (M2M)

misterdisguise · 4 chapters · 2,619 words

Disclaimer

Ang inyong mababasa ay hindi angkop sa mga batang mambabasa. Naglalaman ito ng kwento tungkol sa LGBT Community. Ito ay M2M story kaya’t kung hindi ka komportable ay iwanan na ang istorya.

Sumasalamin ang istoryang ito sa ating lipunan. Alin mang pagkakahalintulad sa mga inyong nabasa, napanuod, napakinggan at kung ano pa man ay hindi sinasadyang pagkakahawig lamang.

ANG SIMULA

“Bakit hindi ka umiiyak?” tanong sa akin ni Markus habang nakatanaw sa langit sa may terasa. Maulap nang mga sandaling iyon dahil halos hindi makita ang bilog na buwan at nagkukubli naman ang mga bituin.

            Paubos na ang hinihithit niyang sigarilyo. Ilang minuto na ba kami nakatambay dito? Baka oras na nga, e. Hindi na namin namalayan ang oras dahil parehong okupado ang mga isip namin.

            "Bakit naman ako iiyak?" nagtatakang tanong ko.

            "Kasi nakikipaghiwalay na ako. 'Di ba dapat masaktan ka?" aniya.

            Huminga ako nang malalim at mapait na ngumiti. "Alam ko kasing darating tayo sa puntong ito. Alam kong iiwan mo rin naman ako anumang oras. Handa na ako. Wala ng dahilan para umiyak pa ako sa bagay na alam ko namang mangyayari," paliwanag ko sa kanya.

            Nangunot ang noo niya. Ibinuga muna niya ang usok ng sigarilyo mula sa kanyang bibig bago nagsalita.

            "So alam mo na palang maghihiwalay tayo? Gano'n ba?" nagtataka niyang sabi.

            "Hindi naman. Naisip ko lang. Kailangan ko lang i-secure ang sarili ko sa mga possibility na pwedeng makapanakit sa akin. Don't you know kung gaano kalaking pinsala sa tao ang ginawa mo? Na pwedeng kung ibang tao 'to, for sure, may tendency na siya ng mental disorder?" 

            "A-alam ko," nag-aalinlangang sagot niya.

            "But you chose to break my heart kahit alam mong pwedeng ikasira ko 'yun?" Ngumiti ako sa kanya. "Alam mo ba? No'ng time na pinili kita, wala akong pag-aalinlangan at buo ako no'n. Kasi kapag nagmahal ka, dapat fast forward. Naiisip mo na kaagad na siya ang makakapiling mo habambuhay."

            Napangiwi siya. Nagsisisi na ba siya? Hindi. Hindi 'yun ang nakikita ko sa mga mata niya.

            "Pero na-realize ko, bakit parang may mali? Masyado na tayong nasasanay sa isa't-isa. And by the time na masanay na tayo sa isa't-isa kahit okay tayo, magsasawa pa rin tayo. Hindi pwedeng adobo na lang palagi. Hindi gano'n ang buhay."

            "So hindi lang pala dapat ako ang magsabing maghiwalay na tayo? It's a mutual understanding naman pala. Kaya hindi gano'n kasakit para sa 'yo ang hiwalayan ako," aniya na tila parang may paniniguro.

            "Hindi mo nakuha ang point ko, no'? Yes, may mga memories na tayo na dapat chine-cherish pero hindi sapat 'yun para mag-hold on ka pa sa isang relasyon. Kapag na wala na ang isang ingredient sa relasyon tulad sa pagkain, gumagara ang lasa," paliwanag ko sa kanya.

            Napailing siya at natatawa. Sign ba 'yan na naging toxic ako sa relasyon namin at nagagawa pa niyang tumawa dahil hiwalay na kami?

            "'Yan talaga ang nagustuhan ko sa 'yo. Masyado kang malalim mag-isip. Lahat na lang 'ata binibigyan mo ng comparison para maipaliwanag mo nang maayos," nangingiti niyang sabi.

            Hindi ko akaling ganito ang kalalabasan ng first break-up ko. Isang katatawanan. Hindi isang mala-teleseryeng tagpo kung saan maghihinagpis ang bida para habulin ang kabiyak upang magsumamong bumalik ito sa kanya.

            Pero hindi nga pala ako ako sa isang bida. Isa lamang akong hamak na kasama sa kwento para mapakita ang improvements ng bidang karakter.

            Panandaliang tumahimik sa pagitan namin. Walang gustong umimik. Parehong malalim ang iniisip. Kung saan patungo, 'yun ang hindi ko alam. Basta ang alam ko, magkakilala na lang kami.

CHAPTER I: After The Break-Up

CHAPTER I: After The Break-Up

                Tumutugtog sa kabilang unit ng apartment ang kantang Starting Over Again ni Natalie Cole nang pagkalakas-lakas. Hindi ba nila alam na Sabado ngayon at kagagaling lang sa Friday Night Out ng mga kapitbahay nila? Alam kong matanda na si Aling Cecille pero sigurado naman akong nakapag-disco na siya at hindi umuuwi nang alas-otso ng gabi.

            Tiningnan ko ang digital clock na nasa ulunan ng kamang hinihigaan ko. Alas-siyete pa lang nang umaga! Ni huni nga ng ibon, dapat ay naririnig ko pa.

            "Hoy! Kung ayaw niyo magpatulog, magpatulog naman kayo!" sigaw ko sabay sipa sa pader ng kapitbahay namin. Alam ko namang walang saysay ang pagsipa ko at masasaktan lang din ako. Ako na nga itong naistorbo, ako pa itong nasaktan.

            Kusot-kusot ang namamagang mata, kinuha ko ang cellphone ko. Ni walang bagong mensahe akong natanggap. Napabuntong-hininga ako sa pag-iisip na wala na nga palang nag-aalala para sa akin.

            Tumayo ako mula sa pagkakahiga kahit inaantok pa at tumungo sa banyo. Matapos 'yon ay dumiresto muna ako sa sala para manuod sana ng palabas. 

            Nadatnan ko roon si Markus na abalang manuod ng movie. Ano bang oras ito nagising? Naunahan na naman niya ako sa isip-isip ko.

            "Good morning," pagbati niya nang tabihan ko siya sa sofa. "Masarap ba ang naging tulog mo?"

            "Ano'ng maganda sa umaga kung kulang ka sa tulog?" iritable kong sabi.

            "Bakit ka sa akin nagagalit? Hindi na talaga natuto 'yang si Aling Cecille. Alam kong mahina ang pandinig niya pero hindi ang mga kapitbahay niya. Hindi pa naman ganoon kaganda ang mga gusto niyang tugtugin," sagot niya pero hindi ako nililingon.

            Mula nang gabing maghiwalay kami ni Markus, napagpasyahan naming tumira muna pansamantala sa inuupahan naming apartment hanggang sa magkapera kami at maibenta ang mga gamit dito. Hindi ganoon din kasi kadali para sa amin ang maghiwalay dahil may mga naipundar na kaming mga gamit. Sa iisa man kaming kwarto natutulog, sinigurado naming may mga personal space na kami. Naglagay kami ng kurtina sa pagitan ng mga kama namin kaya wala na kaming paki anuman ang gawin namin.

            Sa oras na makapagbukod kami, saka namin puputulin ang ugnayan namin sa isa't-isa. 

            "Nag-almusal ka na ba?" tanong niya. Doon pa lang niya ako tiningnan sa mata. 

            Matalim akong tumingin sa kanya, kunot ang noo at nagtataka. "Hindi pa." Tumigil ako sandali. "Bakit concern ka?"

            Natawa siya sa turan ko. "Bawal na ba ang maging concern ngayon? Naghiwalay lang tayo pero mabuting tao pa rin naman ako," natatawang sabi niya.

            "Sabagay," matipid kong sagot.

            "Kung sumagot ka sana nang maayos, paglulutuan sana kita. Sungit mo, e. Nireregla ka na naman, 'ata," pang-aasar niya.

            Ngumiwi lang ako. Parang normal pa rin sa kanya ang lahat. Gano'n pa rin siya, palatawa at mapang-asar. Ang kinaibahan lang, hindi na kami. Wala ng nag-uugnay sa aming dalawa maliban sa bahay na ito.

            Tumayo ako sa pagkakaupo at dumiresto sa kusina.

            "Saan ka pupunta?" tanong niya.

            "Magluluto ng makakain. Magluto ka mag-isa mo!" bulyaw ko sa kanya.

            "Wala naman akong sinabing iba. Para kang nanay ko," paanas niyang sabi.

            Napailing na lang ako.

            "Hiwalay na kayo?!" bulalas ni Eunice nang magkita kami sa mall sa Manila. Halos maitapon niya ang hawak na inumin dahil sa gulat. "Ano'ng nangyari? Tinapos niya na agad 'yung 5 years niyong pagsasama?! Gaga ka! Ano bang nakain mo?! Baka naman sinungit-sungitan mo na naman."

            "Pwede bang kumalma ka muna? Baka iniisip ng mga tao, nag-eeskandalo ka. Pakihinaan mo nga rin 'yang boses mo kasi nakakaagaw ka na ng atensyon," mahina kong sabi sa kanya.

            Napailing siya at kita pa rin ang gulat sa mga mata niya. Sino bang kasing hindi magugulat sa paghihiwalay namin? Limang taon kaming nagsama at walang halos pinag-awayan. Perpekto nga raw kung maituturing pero hindi para sa akin.

            "Basta nag-usap na lang kami na gusto na naming maghiwalay. Tapos!" paliwanag ko at saka niya ako kinurot sa tagiliran. "Aray! Masakit 'yun, ah!" inis kong sabi.

            "Wala tayo sa movie para mag-inarte kayong dalawa ng ganyan! Matatanda na kayo! Sana man lang pinag-isipan niyo nang maigi bago kayo nagdesisyon. Love is all about understanding, ika nga. Sana inintindi niyo muna ang isa't-isa bago kayo naghiwalay," paliwanag niya.

            Naiintindihan ko naman ang punto niya. Kahit ako sa una, inintindi ko kung bakit kami umabot sa ganito. Kung ako ba ang may mali o siya? Kung kailan ko pa naramdaman 'yung ganito? Na kung sinabi ko ba agad sa kanya, may magbabago kaya?

            Ang dami kong naging tanong bago ako nagdesisyon. Pero sa dami na rin siguro ng tanong ko sa relasyon namin, tama na lang na bumitaw na ako kasi in the first place, hindi naman ako magtatanong kung walang mali.

            "Inunawa ko naman ang sitwasyon namin pero hindi naman siguro tamang sayangin ko ang panahon ko sa maling tao, 'di ba? Hindi naman siguro sukatan ang tagal ng pagsasama para masabing worth it ang relasyon niyo. Hindi magiging sayang ang isang hiwalayan na pinag-isipan," paliwanag ko sa kanya saka sumipsip sa inuming nasa harap ko.

            

“Mainit ’to kanina pero lumalamig kapag tumatagal na,” paanas kong sabi.

            Tinapik niya ang balikat ko at matipid na ngumiti. "Ni kailanman, hindi mo pinakita sa akin na nahihirapan ka. Alam kong malakas ka. Pero sa sandaling gusto mo nang ibuhos ang lahat ng sakit at pighati sa puso mo, malaya kang umiyak sa akin," suhestyon niya.

            Napangiti ako sa turan niya. Hindi ako umiyak kailanman nang maging kami Markus. Hinanda ko na kasi ang sarili ko na masasaktan ako sa sandaling pumasok ako sa relasyon. Kaya anumang gawin niya, handa ang sarili ko.

            "Salamat," matipid kong tugon.

            "Halika nga rito. Payakap nga!" aniya at akmang yayakap sa akin.

            Mabilis ko namang iniharang ang kamay ko sa kanya. "Ano ba?! Maraming nakatingin sa atin! Masyado kang PDA! Baka anong isipin ng tao."

            "Ano ba naman ang isang yakap lang, 'di ba?" nakasimangot niyang sabi.

            "Pero seryoso, kahit walang yakap mula sa akin, nagpapasalamat ako sa 'yo dahil nand'yan ka parati para makinig sa mga kwento ng buhay ko," nakangiti kong sabi.

            Ginulo niya ang buhok ko ng tulad sa mga bata. "Ikaw pa. Malakas ka sa akin."

CHAPTER II: What’s Next?

CHAPTER II: What’s Next?

            Gabi na nang makauwi ako sa apartment. Patay ang mga ilaw nang pumasok ako at tanging tanglaw sa malalim na gabi mula sa terasa ang nagiging gabay ko papasok. Hindi na ako nag-abalang buksan pa ang ilaw dahil baka mapansin pa ni Markus na nakauwi na ako.

            Bukas ang pinto papuntang terasa nang makalapit ako.

            "Hindi na naman sinara ni Markus 'to. Katamaran lagi pinapairal," paanas kong sabi.

            Naglakad ako roon hanggang sa madatnan ko siyang nakatulala sa langit, malalim ang iniisip. Hindi niya pa siguro alam na nakauwi na ako.

            "Mag-isa ka 'ata," sambit ko.

            "Nand'yan ka na pala," aniya matapos ibuga ang usok mula sa hinihithit niyang sigarilyo. 

            Tumango lang ako bilang tugon at tinabihan siyang tinatanaw ang kalangitan.

            "Mukhang uulan, no'?" saad ko na biglang sinang-ayunan naman niya. "Pang-ilang sigarilyo mo na 'yan ngayong maghapon?" tanong ko.

            Tumigil siya sa paghithit at bumilang sa mga daliri. "Mahigit isang kaha na 'ata," walang emosyon niyang sabi.

            "Hindi ba't sabi ko sa-" Natigilan ako sa turan ko.

            "Na limang stick lang sa isang araw?" pagpapatuloy niya at saka ngumisi.

            Naalala ko. Hindi na nga pala kami para pigilan ko pa siya sa mga desisyon niya. Wala na akong kontrol sa mga gusto niyang gawin. Kung ilang sigarilyo ang pwede niyang hithitin sa isang araw. Kung ano'ng dapat na suotin niya sa tuwing aalis kami. Kung sino ang iibabaw sa tuwing magsisiping kami. Wala na. Tapos na nga, 'di ba?

            "Payong kaibigan lang naman," pagbawi ko.

            "Salamat sa concern mo, friend. Pero I don't care," malumanay niyang sabi at saka pinagpatuloy ang paghithit sa sigarilyo.

            Lumunok ako ng laway. Bakit tila 'ata ang lamig niya? Dapat na ba akong masanay? Dapat alam kong magiging ganito siya sa sandaling maghiwalay kami. Pero bakit pakiramdam ko, nabigla ako? 'Di ba dapat ay handa ako?

            "Uuwi nga pala ako sa amin. Dalawang araw lang siguro ako roon tapos ay babalik din ako rito," saad ko.

            "Okay. Good for you," aniya. Gano'n pa rin. Malamig pa rin siya.

            "Wala ka bang balak bumisita sa inyo?" lakas-loob kong tanong sa kanya.

            Natigilan siya at saka dinikdik ang upos ng sigarilyong kanina'y hinihithit.  Tinalikuran niya ako at saka padabog na pumasok ng kwarto.

            Sa tuwing mapag-uusapan talaga ang kanyang pamilya, wala siyang nagiging imik. Nagiging tahimik lang siya at saka iiwan ako sa ere. Sa limang taon naming pagsasama, ni hindi niya nagawang ipakilala ako sa pamilya niya. Tanggap ko naman kung bakit. Tinanggap ko naman sa simula pa lang na hindi magiging madali ang lahat. Pero siguro karapatan ko namang malaman ang detalye ng buhay niya nang mga panahong nagsasama pa kami.

            Sa limang taon namin, wala man lang akong alam sa buhay niya.

            Hindi na rin ako ginanahan kumain dahil sa nangyari. Mabilis akong nagpalit ng damit at marahang pumasok sa kwarto. Tahimik pero bukas ang lampshade sa tabi niya. Marahil ay tulog na siya.

            Napagpasyahan ko na ring itulog ang araw na ito. Nakakapagod pero hindi ko mawari ang dahilan.

            Papikit na ako nang bigla siyang magsalita.

            "Pasensya pala sa nangyari kanina," paumanhin niya.

            Pero sa tuwing mapagtatalunan namin ang tungkol sa pamilya niya, siya ang laging nauunang humingi ng tawad.

            "Okay lang. Alam ko namang hindi ko dapat 'yon tinanong pa. Sorry," ani ko.

            "Ingat ka na lang pala bukas sa biyahe mo. Ikumusta mo na lang ako kina Tito at Tita," saad niya.

            "Ayaw mo bang sumama?" pag-aalok ko kahit alam kong tatanggihan niya.

            "Huwag na. Baka ano pang isipin nila Tito."

            Napabuntong-hininga ako. "Pero mas lalo silang mag-iisip kung hindi kita kasama. Hindi pa kasi ako handang magpaliwanag sa kanila," paliwanag ko sa kanya.

            Naramdaman ko ang yapak ng mga paa niyang papalapit sa kamang hinihigaan ko. Napakunot ako ng noo.

            "Ano'ng ginagawa mo?!" bulalas ko nang makitang papalapit siya sa higaan ko habang walang pantaas na suot. "Huwag kang lalapit!"

            Umupo siya sa tabi ng kama at saka tiningnan ako sa mga mata. "Para namang hindi ka sanay na makita akong walang suot," aniya at kumindat.

            "Akala mo nakakatawa 'yon?" ani ko at ngumiti nang nakakaloko.

            Kinuha niya ang kumot at saka pumwesto sa tabi ko. Nanigas ang buo kong katawan nang maramdaman ko ang init ng kanyang katawan nang tabihan niya ako. 

            "Pumapayag na ako," aniya.

            Napakunot ako ng noo at nagtaka. "Ha? Ano'ng sinasabi mo?"

            "Pumapayag na akong samahan ka sa pagbisita mo sa mga magulang mo," sagot niya.

            "At ano naman ang kinalaman no'n sa pagtabi mo sa akin sa higaan? Alam mo bang masyadong maliit ito para sa dalawa?" iritable kong sabi.

            Ngumisi siya. "Kung gusto mo, doon tayo sa kama ko. Doon naman tayo natutulog dati, e'. Kasyang-kasya tayong dalawa roon kahit na maglikot ka," paanas niyang sabi sa huling pangungusap na may halong panloloko. 

            "Na-miss mo ba 'yung gan'to?" Inilapit niya ang mukha niya sa akin. Nanatili akong nakatingin sa kisame pero ramdam ko ang hinihinga niya dahil sa papalapit na mukha niya sa akin. Kumikiskis rin ang kanyang katawan sa braso ko na nagbibigay ng kakaibang sensasyon.

            Bago pa man ako bumigay, itinulak ko siya nang malakas sa dulo ng kama dahilan para malaglag siya.

            "Aray ko po!" sigaw niya, himas-himas ang parte ng kanyang katawan na humalik sa sahig. "Ito naman! Parang hindi mabiro."

            "Kalimutan mo na ang pagsama sa akin kina Dad at Mom. Nagbago na pala ang isip ko," pagbawi ko.

            "Iyan ka na naman. Sasama ako sa ayaw man o gusto mo. Gusto mo bang tawagan ko na sila ngayon?" pang-aasar niya.

            "Sige na. Matulog ka na nga roon sa higaan mo. Matutulog na rin ako," utos ko at saka tinalukuran siya, hila-hila ang kumot na nakatalukbong sa akin.

            Naramdaman kong tumayo siya mula sa pagkakabagsak at dumiretso sa kanyang kama. Pinatay na rin niya ang ilaw ng nakabukas niyang lampshade. 

            Sa sandaling tabihan niya ako kanina, naramdaman kong nanumbalik ang lahat sa akin. Nararamdaman ko ang mainit niya katawan na sumasakop sa kaibuturan ko. Hindi siya mawala sa isip ko, ang kakaibang sensasyon na maaaring hindi magpatulog sa akin ngayong gabi.

Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.