loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
FIREFLIES AT TWILIGHT (BL•ONE-SHOT)

FIREFLIES AT TWILIGHT (BL•ONE-SHOT)

Brictorique · 1 chapter · 5,614 words

FIREFLIES AT TWILIGHT (BL)

FIREFLIES AT TWILIGHT

written by Brictorique.

DISCLAIMER: Ano mang pangyayari, bagay, o pangalan na nakasaad sa kwentong ito ay pawang imahinasyon lamang at hindi kinuha sa totoong istorya ng buhay kaya ano pa man ang pagkakahawig na inyong mababasa ay hindi sadya dahil hindi lang naman ikaw ang nagiisang manunulat na may weirdong pagiisip. Maraming salamat.


Twenty-three years old na ako pero heto ako at mukhang batang walang muwang pa rin na hindi alam ang gustong gawin sa buhay. Graduate ako sa kursong IT at nakapag trabaho na sa isang call center bilang RTA sa luob ng dalawa’t kalahating taon pero nag resign ako dahil hindi na ako nageenjoy sa trabaho ko. Stress kaya.

Bago magkalikutan, ako muna’y magpapakilala sa inyo. Ako si Crael Santi . Ang androgynous beauty ng siyudad! Meaning, lalaki by birth pero may gandang pang isang dalagang pilipina yeah! Hahaha. O’sya tama na ang pabida ko sa aking sarili at ng akin ng mai-kwento sa inyo ang aking kabataan na ’kay sarap balikan.

Ang totoo n’yan, laking siyudad talaga ako pero ika nga nila, minsan sa buhay ng tao ay naging pasaway na bata tayo kaya na-experience ko na ipatapon (char!) ng aking parents sa malayong lugar na kung tawagin ay probinsya kung saan nakatira ang aking Lola na si Teresita or ’La Sita for short na may katunog na brand ng pagkain na itago nalang natin sa pangalang toasted bread, char!

Kung di pa purol ang aking memory ay seven or eight lang ako that time ng mapunta ako kay ’La Sita para duon bunuin ang aking summer. Syempre dahil bata pa ako nu’n at di pamilyar sa lugar ay nagnga-ngangawa ang aking beauty dahil syempre bukod sa walang kahit anong toys na pwedeng malaro duon ay layu-layo pa ang mga bahay kaya feeling isolated ka. Idagdag mo pa yung bahay na tinutuluyan ni Lola na bukod sa napaka simple ay di uso ang aircon or electric fan at pati na rin ilaw. Imagine, lampara ang source of light ha? Kaya nga pag sumasapit ang gabi ay ganun nalang ang takot ko kasi paano nalang kung may lumabas na ghost or monsters di ba?

Pero sa una lang iyon dahil duon ko pala mae-experience ang pinaka masayang moment sa buhay ko na hanggang sa mamatay ako ay dadalhin ko at magiging dahilan ng aking pag ngiti hanggang sa aking huling sandali sa mundong ibabaw.

Tanda ko, isang linggo na ang nakalipas sa paglagi ko sa bahay ni Lola ng isang gabi habang patuloy ako sa pag ikot sa aking higaang gawa sa kawayan at sa manipis na kumot na nagsisilbing panangga ko sa lamig ay nakarinig ako ng mga batang kasing edad ko na naghahagikhikan sa labas ng kubo.

Kumunot ang nuo ko dahil di man ako sigurado ay alam kong kalaliman na ng gabi kaya nakapagtatakang may mga batang naglalaro sa labas. Napatingin ako sa gawi ni Lola na nakahiga sa mahabang upuan na gawa sa kahoy kung saan siya natutulog na di man lang natinag sa ingay. Alam ninyo kasi kahit matanda na si Lola ay nakapagtatakang malakas ang pandinig niya.

Matagal-tagal ko ring narinig ang nagtatawanang boses hanggang sa di ko na napigilan ang kuryosidad ko at tumungo ako sa sala at dahan-dahang inalis ang tabing para silipin ang mga bata sa labas at sa takot at pagtataka ko ay nagtatakbo akong bumalik sa higaan kung saan, sa wakas ay nagising si Lola.

“Iho, ano bang ginagawa mo? Aba’y gabi na ah. Bakit gising ka pa?” mahinahong tanong niya at umupo sa tabi ko.

“A-ah. .” nanuyo ang lalamunan ko sa di malamang dahilan. Parang may pumipigil sa akin na magsalita.

“O’ sya, sige. Matulog ka na.” humiga na ako at yumakap sa bewang ni Lola habang pinakikinggan ang kanyang paghele sa akin.

Ramdam ko na ang antok ko ng maramdaman ko ang pagtayo ni Lola sa higaan at nakita ko siyang pumunta sa sala at ini-angat ang bintana. Nagtaka ako ng makita ko siyang nakangiti at nagsabing, “Bilog na naman pala ang buwan.” na hindi ko naintindihan kung bakit niya iyon sinabi. Agad kong pinikit ang mata ko ng makita ko siyang palingon sa akin at buti nalang ay tuluyan na akong nakatulog.

Ilang araw at gabi din ang nagdaan na paulit-ulit kong naririnig ang mga batang nagtatawanan sa labas ng aming kubo ni Lola at habang tumatagal ay di ako mapakali. Natatakot ako pero interesado akong malaman kung saan nagmumula ang mga ingay na aking nadidinig. Isang gabi parang dininig ng bathala ang aking hiling ng kusang kumilos ang katawan ko para lumabas ng bahay. ’Di ko alam kung bakit naisipan kong lumabas eh gayong takot ako sa dilim. Buti nga at hindi nagising si Lola dahil siguradong papagalitan niya ako kung nakita niya ako.

Suot ko ang jacket ko at hawak ang lampara na kinuha ko sa kusina ay naglakad ako patungo sa hindi ko alam na daan. Basta kung saan ako dalhin ng mga paa ko. Iba ang tunog ng gabi. Nakaka humaling. Sa paglalakad ko ay isang bulto sa di kalayuan sa sapa ang nakita kong nakaupo sa may batuhan at mukhang umiiyak.

Luh. Ano kayang ginagawa ng isang ito dito? Balak ba niyang mag night swimming?

Nilapitan ko siya at ilang hakbang bago ako tuluyang makalapit at lumingon siya sa akin. Kung star struck man ang term sa reaction ko sa kanya ay iyon na siguro iyon.

Pang out of this world kasi ang kagwapuhan na taglay ng lalaking umiiyak. Talo niya pa yung model sa magazine at artista sa tv.

Mukha namang magkasing edad kami thou mas matangkad siya sa akin. Obvious kasi kahit na nakaupo siya kasi ang haba ng legs niya. Maputi at makinis. Ang ganda din ng mata niya. Parang kumikislap. Matangos ang ilong at maganda ang labi. ’Yung buhok naman niya pang bagong gising na hanggang balikat ang haba. As in wow. Basta. Star struck ako.

“Okay ka lang?” tanong ko.

Imbis na sagutin ako ay nakatingin lang siya sa akin at sinusuri ako. Mukha ba akong alien?

Tumigil siya sa pag iyak at nag iwas ng tingin. Hmmp. Sungit. Bakit ko ba nilapitan ito?

Tatalikod na sana ako para lumakad pabalik ng kubo ni Lola ng mapansin kong nakahawak siya sa kaliwang kamay niya at makita ko na may kulay pink na likidong parang tumutulo.

Ano iyon? Dugo niya ba iyon? Bakit kulay pink? Ang weird.

“Anong nangyari? May sugat ka ba?” tumabi ako sa kanya at tinanggal ang kamay niyang nakatakip sa kaliwang kamay niya at makitang may sugat siya sa parteng tinatakpan niya.

“Napano ka ba? May kasama ka ba?” nagaalalang tanong ko pero ni hindi man lang siya nag effort na sumagot. ’Di kaya pipi ito?

“Iwan mo na ako. Umuwi ka na kung saan ka man nakatira.” sabi niya habang tinatalian ko ng panyo ko ang sugat niya sa kamay.

“Sira ulo ka ba? Di kita pwedeng iwan dito ng ikaw lang. Saan ka ba nakatira? Samahan nalang kita.” good samaritan ang peg ko dito kay kuya ah. Para kasing babae makaasta. Ang hinhin.

“Umalis ka na sabi.” ulit niya.

Ano bang pinagdadaanan nitong isang ito at ganito ang drama niya?

“Hoy! Saan ka pupunta? Uuwi ka na ba? Ito naman balak pa akong iwan!” reklamo ko habang humahabol sa paglalakad niya.

Di siya sumagot o lumingon man lang sa akin. Tuluy-tuloy lang siya sa paglalakad habang nakasunod ako sa kanya at pinagmamasdan ang kanyang tindig mula sa likuran.

“Gabi na kaya dapat natutulog na ang gaya mo at di nagga-gala sa labas.” sabi niya ng huminto siya na siya namang ka-muntik ko ng pagbunggo sa kanya.

“Eh sa ihaha-! Teka!” nagulat ako ng marealized kong nasa tapat na ako ng kubo namin ni Lola. May sasabihin pa sana ako pero paglingon ko ay wala na si kuya. Luh. Saan na iyon napunta? Bakit ang bilis niya mawala? Napakamot nalang ako sa ulo ko at pumasok sa luob para matulog.

Kinabukasan, pag gising ko ay nakita ko ang panyo na pinangtali ko sa sugat ni kuya mysterious kagabi sa tabi ng pintuan ng kubo at may nakaipit na white perwinkle. Paano ito napunta dito? Teka, galing siya dito? Natandaan niya itong kubo?

“Ang ganda naman n’yan iho. Saan mo nakuha iyan?” nakangiting tanong ni Lola sa akin na naghahanda ng almusal.

“D’yan lang po.”

“Pero wala naman tayong nakatanim na bulaklak sa malapit ah?”

“Wala po? Eh nakita ko po ito sa labas eh. Sayang naman kaya pinulot ko na.” umupo ako sa tapat ng lamesita at pinagmasdan ang hawak kong maliit na bulaklak. Napansin ko ang kakaibang tingin na binigay ni Lola sa akin pero pinag walang bahala ko nalang.

Nang mga sumunod na gabi ay patuloy ko pa rin naririnig ang mga nagtatawanan sa labas ng kubo pero sa tuwing pupuslit ako ng labas ay wala naman akong makita at di ko na ulit nakita pa si kuya mysterious pero ang nakapagtataka ay tuwing sasapit ang umaga pagka gising ko ay mayruong white perwinkle sa labas ng kubo.

“Iho, ang dami na n’yan ah.” sabi ni Lola sa akin habang inaayos ko ang labing-tatlong bulaklak sa kahon na binigay niya sa akin. Nanghihinayang kasi ako itapon at di pa naman siya lanta.

“Ang ganda di ba Lola?” kinuha ko ang isa at inipit sa gilid ng tenga ko. Imbis na magalit sa akin dahil pang kilos babae ang ginawa ko ay ngumiti lang siya at marahang ginulo ang buhok ko.

“Pumasok ka na dito iho. Wag ka d’yan sa labas.” sabi ni Lola mula sa luob ng kubo habang abala ako sa labas na namimitas ng mga ligaw na damo.

“Sandali lang po Lola.”

“Sige na iho. Di ka dapat naglalaro d’yan sa labas pag tanghaling tapat.”

“Pero Lola!” maktol ko sabay tayo para maglakad papunta sa kubo ng may marinig akong sumitsit sa akin. Huh? Agad akong lumingon para hanapin kung sino iyon pero wala naman akong nakita kaya binalik ko ang tingin ko sa harapan at nagpatuloy sa paglalakad ng marinig ko na naman ulit ang pagsitsit. Sino ba iyon?

“Iho. Pasok na dito.” dinig kong sabi ni Lola pero dahil di ako mapakali sa sitsit ng sitsit sa akin ay lumakad ako patungo sa kung saan ko naririnig yung sitsit.

“May tao ba d’yan? Magpakita ka sa akin. Anong kailangan mo?” lakad ako ng lakad para mahanap ang pinanggagalingan ng pagsitsit hanggang sa hindi ko na alam kung nasaang parte na ako dahil puro matataas na puno na may mayayabong na dahon na ang nakikita ko.

“Lola?” tawag ko pero walang sumagot. Nagsimula na akong tumakbo pabalik sa takot ko pero parang di ako nakakaalis sa kung nasaan ako. Sa huli ay sumalampak ako sa tabi ng puno at di ko na napigilang umiyak. Nawawala na ako. Hindi ko na alam kung nasaan ako. Kung bakit kasi hindi ako nakinig kay Lola at sinubukan kong hanapin ang sumisitsit na iyon.

Tumigil ako sa pag-iyak ng maramdaman kong may umupo sa harap ko kaya nag angat ako ng tingin at nagulat ako ng makita ko si kuya mysterious na nakatingin sa akin.

“Bakit ka nandito? Ikaw ba yung sumisitsit sa akin kanina ha?” sumisinghot kong tanong.

Umiling siya at inilahad ang kamay niya sa akin na siya namang pinaunlakan ko. Saan kaya ako nito dadalhin?

“Saan tayo pupunta?” tanong ko pero di siya sumagot at nagpatuloy lang kami sa paglalakad na magkahawak ang kamay. Baka iuuwi niya na ako sa kubo? Iyon ang ginawa niya sa akin last time eh. Kapit-bahay ba namin siya ng di ko alam? Pero impossible kasi sa lawak ba ng kinatitirikan ng kubo ay ni isang bahay ay wala akong nakitang malapit sa amin. Taga saan kaya ang isang ito?

Huminto kami sa isang pamilyar na lugar. Sa may sapa kung saan ko siya unang nakita. Umaagos dito ang napakalinaw at mukhang kumikinang na tubig at sa di kalayuan ay may mga nakatanim na bulaklak. Hala! Kaparehas ito ng mga bulaklak na meron ako ah?

Agad kong nilingon si kuya mysterious na ngayon ay nakaupo na sa ilalim ng puno.

“Sa iyo ba galing yung mga bulaklak ko?”

Gulat ako ng tumango siya at di man lang tumanggi sa tanong ko.

“Bakit mo ako binibigyan nu’n? Taga saan ka ba? Anong pangalan mo?” napa buntung-hininga ako ng hindi siya sumagot. Suplado. Pero, mukha naman siyang mabait.

“Wag ka magalala. Hindi ako galit sa’yo. Thank you pala sa mga iyon ah. Ang ganda ng bigay mo. Nga pala, ako si Crael pero Rae nalang itawag mo sa akin.”

“Sid.” nagtaasan ang balahibo ko ng magpakilala siya sa akin. Wow. ’Di na siya suplado. Nasa mood na siya mangausap.

“Ayun! Nagsalita ka rin! Akala ko pipi ka! So, friends?” sabi ko sabay lahad ng kamay ko sa kanya. Nagtaka ako ng makita ko ang ekspresyon ng mukha niya. Mukhang di niya yata na-gets ang sinabi ko.

Tatagalugin ko na sana ang huling sinabi ko ng magulat ako at makaramdam ng kakaibang kiliti sa ginawa niyang pagsalikop ng kamay niya sa nakalahad kong kamay. Tumango siya sa akin at ngumiti. Mukha naman yatang naintindihan niya ang sinabi ko pero bakit ganun yung ginawa niya?

Inubos ko ang oras ko kasama siya habang kwento ako ng kwento tungkol sa buhay ko at siya naman itong nakikinig lang.

“Uwi na tayo.” sabi niya at tumayo na sa pagkakahiga at nilahad ang kamay niya sa akin na siya namang pinaunlakan ko.

“Pero maaga pa. Sandali palang tayo nagkakausap. Di pa ako tapos magkwento.”

Magkahawak kamay kaming naglakad at pansin ko na habang tumatagal ay unti-unting nagdidilim ang paligid. Uulan siguro?

“Wag ka muna umalis. Papakilala kita kay Lola. D’yan ka lang ha?”

Umiling siya at tumalikod para maglakad palayo.

“Hoy! Sandali! Sid!” habang pinipigilan ko si Sid na umalis ay narinig ko naman si Lola na nagaalalang tinatawag ang pangalan ko.

“Iho? Jusko! Iho ikaw nga! Saan ka ba nagsususuot na bata ka ha?”

“Po? D’yan lang. Kasama ko po yung kaibigan ko na si-! Teka! Nasaan na siya?”

“Ano bang sinasabi mo Iho? Walang ibang bata dito at saka bakit ngayon ka lang umuwi? Delikado na kapag ganitong oras. Magaala-sais na!” niyakap ako ni Lola at hinaplos ang buhok ko. Nagtaka naman ako kung paano niya nasabing magaala-sais na eh gayong sandali palang kami nagkakasama ni Sid at saka napaka araw pa sa lugar kung nasaan kami kanina. Isa pa, anong sinasabi ni Lola na walang ibang bata dito eh bata kaya si Sid!

“Eh Lola! Meron nga po kasi akong kalarong bata kanina! Siya nga po yung nagiiwan d’yan sa labas ng bulaklak tuwing umaga.” sabi ko habang naglalatag si Lola ng hapunan namin.

Napatigil siya sa ginagawa niya ng marinig niya ang sinabi ko. Iba ang tinging ibinigay niya sa akin na siya namang pinagtaka ko.

“Iho, wag ka na lalabas ng tanghaling tapat. Maliwanag ba?”

“Pero!”

“Gawin mo nalang Iho. Hindi ito ang lugar kung saan ka pinanganak at lumaki kaya mas mabuting wala kang masaktan na damdamin kapag sinundo ka na ng papa’t mama mo.”

“Ha? Anong sinasabi mo ’La?” napakamot ako sa ulo ko dahil hindi ko maintindihan ang sinabi ni Lola.

Seryoso si Lola ng pagsabihan niya akong huwag ng lalabas ng tanghaling tapat kaya sa maghapon ay nakadungaw lang ako sa bintana ng aming kubo. Hinihintay ang pagdating ni Sid at pagyaya sa akin sa paglalaro na syempre hindi naman nangyari kaya isang gabi, naglakas luob akong pumuslit at lumakad patungo sa kung saan ako dalhin ng mga paa ko. Nagbabaka sakaling makita ko ulit si Sid sa aming tagpuan. Ang lugar kung saan una at pangalawa kaming nagkita. Nagtaka nga rin ako kung bakit kusa nalang tumigil ang mga ingay na naririnig ko sa labas ng bahay kapag gabi matapos ang pangalawang pagkikita namin na iyon.

“Sid!” masayang tawag ko sa kanya ng may makita akong nakatalikod na nakaupo sa may batuhan malapit sa sapa.

“Paano ka nakabalik?” nilingon niya ako at nagtatakang pinagmasdan ako.

“Aba, hindi ko alam. Ito naman! Imbis na matuwa sa pagkikita natin eh! Teka nga. Bakit bigla kang nawala ng ipapakilala na kita kay Lola ng nakaraan?”

Hindi siya umimik at lumingon pabalik sa may sapa. Pfft. Suplado.

Umupo ako sa tabi niya at pinagmasdan siya na naka tingin sa umaagos na tubig.

“Bakit di mo man lang ako pinupuntahan sa bahay para duon tayo maglaro tutal naman alam mo kung saan ako nakatira di ba?”

“Hindi pwede.”

“Ha? Bakit hindi pwede? Papagalitan ka ba ng magulang mo?”

“Hindi ako pwedeng umalis sa lugar na ito. Dito ang tirahan ko.”

“Ha? Saan dito? Eh di ka naman titira sa amin. Uuwi ka din naman.”

“Hindi talaga pwede.”

Napahilamos ako ng mukha ko sa di ko malaman na dahilan at tumingin sa buwan. Wow. Puting-puti!

“Alam ko na! Ganito nalang. Tutal ayaw mo umalis dito at ako naman ay hindi na pwedeng lumabas ng bahay kapag umaga, sa gabi nalang tayo magkita. Dito natin hihintayin ang isa’t-isa. Ano? Ayos ba iyon sa’yo? Sige na. Pumayag ka na.” sabi ko at niyakap ang braso niya at nagpa-cute. Tumingin siya sa akin at ngumiti ng impit na nagbigay ng kakaibang kiliti sa aking sistema.

“Payag ako.”

Matapos ang paguusap namin na iyon ay ng mga sumunod na gabi ay palagi na kaming nagkikita sa aming tagpuan. Grabe. Takot ako sa dilim pero bakit pagsasapit ang gabi ay di ko maipaliwanag ang saya ko pag naiisip kong magkikita kami ni Sid at makakapag usap at makakapag laro? Buti nga di nagigising si Lola pag pumupuslit ako sa kubo dahil baka pagalitan niya ako kapag nagkataon. Ilang araw nalang at susunduin na ako nina Papa at Mama pabalik ng siyudad para magpatuloy sa pagaaral ko sa elementarya pero nae-excite ako sa tuwing maiisip na babalik ako dito sa susunod na summer para makita si Sid.

“Bakit kasi sa gabi lang tayo pwedeng magkita Sid? Papagalitan ka ba ng magulang mo?”

Tumawa siya sa tanong ko na akin namang pinagtaka. May nakakatawa ba?

Humarap siya sa akin at pinagmasdan ako.

“Nasisilaw ang mata ko pero hindi pagdating sa’yo. Ikaw ang umaga ko sa gabi.”

“Ha?”

“Ikaw? Takot ka sa dilim di ba? Bakit nakikipagkita ka pa rin sa akin?”

Ako naman ang tumingin sa kanya at ngumiti sa di ko malaman na rason.

“Ewan. Ang alam ko lang ay nae-excite ako pag sasapit na ang dilim kasi alam kong magkikita na tayo.”

“Ibig sabihin ba nu’n ako ang liwanag mo sa gabi? Eh di parehas pala nating kailangan ang isa’t-isa? Bawal tayo maghiwalay.”

“Oo. Parang sa mga alitaptap. Ang mga ilaw nila ay nasa likuran kasi kailangan iyon ng kasama nila. Kapag wala ang mga ilaw na iyon, maaari silang mawala o maligaw pero sa huli ay mahahanap din nila ang daan pabalik. Ilaw nila ang isa’t-isa. Sweet ’no?”

Pumikit ako at inamoy ang simoy ng malamig na hangin ng maramdaman ko ang isang kamay na humawak sa akin at sa hawak na iyon ay napangiti ako at parang tumigil ang oras ng magtama ang mata namin ng katabi ko.

“Iho, saan mo dadalhin iyan?” tanong ni Lola ng mapansin niya ang hawak ko na kahon kung saan nakalagay ang mga bulaklak na bigay ni Sid sa bag na iniimpake ko. Tatlong araw mula ngayon ay babalik na ako ng siyudad pero di ko pa ito nasasabi sa kanya. Siguradong magtatampo siya sa akin kapag nalaman niya ang tungkol dito. Hindi ko rin kasi alam kung paano ko sasabihin sa kanya.

“Remembrance po ’La. Uuwi ko sa amin.”

“Hindi. Iwan mo iyan dito. Bawal ka magdala ng kahit na ano na galing dito.”

“Pero Lola! Bigay sa akin ito ng kaibigan ko.”

“Malalanta lang mga iyan kapag dinala mo duon kaya iwan mo iyan dito.” kinuha ni Lola sa akin ang hawak kong kahon at ginulo ang buhok ko. Nakita niya siguro na paiyak na ako.

“Pasensya ka na, Iho. May mga bagay lang na hindi mo pa maiintindihan sa ngayon.”

Kinagabihan ay muli akong pumuslit sa kubo para makipagkita kay Sid at naabutan ko siya na namimitas ng mga bulaklak.

“Hi Sid!” masigla kong bati.

“Para sa’yo.” inabot niya sa akin ang mga bulaklak na napitas niya at ang isa ay inipit niya sa kaliwang tenga ko.

Naglaro kami at nagusap buong gabi ng mga kung anu-anong mga bagay habang magkabaliktad kaming nakahiga sa damuhan at pinagmamasdan ang buwan.

“Sid?”

“. . .”

Sanay na ako na may mga pagkakataong hindi siya sumasagot pero dahil gusto ko siyang pagmasdan ay nilingon ko siya at nakita ko siyang nakapikit. Hala. Nakatulog?

Tumagilid ako at pinagmasdan siya. Unti-unti niyang minulat ang mata niya at ngumiti sa akin na siya namang sinuklian ko ng isa ring ngiti.

“Dumito ka nalang kasama ko.”

“Ha?” nagulat ako sa sinabi niya at pakiramdam ko namumula ang pisngi ko dahil duon.

Tumagilid din siya at pinagsalikop ang kaliwang kamay ko sa kanang kamay niya.

“A-ah kasi. . Hindi pwede.”

Hindi siya kumibo at nakatitig lang sa akin.

“Malapit na kasi akong sunduin nila Papa. Uuwi na ako sa amin. Alam mo ba? Grade Three na ako sa pasukan! Pero wag ka magalala. Babalik ako dito sa susunod na summer. Magkikita ulit tayo!”

“Aalis ka? Iiwan mo ako?”

Tumango ako at naramdaman ko ang pag higpit ng hawak niya sa kamay ko at ang biglang paglamig ng pagligid. Kakaibang lamig na dahilan para bumangon ako na siya namang sinundan niya at niyakap ako. Ang init sa mga bisig niya ay para akong hinehele para makatulog sa piling niya.

Nagkatitigan kami at hinaplos niya ang ibabang labi ko at yumukod. Sobrang magkalapit na ang mga mukha namin na halos ikaduleng ko na ng marinig ko ang boses nila Papa, Mama at Lola na tinatawag ako kaya napalingon ako. Teka, madilim pa naman ah? Isa pa, alam ni Sid kapag malapit na mag umaga at siya itong naghahatid sa akin pauwi.

“Rae.” tawag ni Sid sa akin kaya muli akong humarap sa kanya at nakita ko siya na naka ngiti kaya siguro guni-guni ko lang iyon. Nilahad niya ang kamay niya na siyang pinaunlakan ko at nagpatuloy kami sa paglalaro. Tumigil lang kami ng mapansin niyang pagod na ako. Magkatabi kaming umupo sa ilalim ng puno ng magkahawak ang kamay ng mapansin kong may mga prutas sa tabi. Wow. Ang gaganda at ang lalaki!

Sumandal ako sa balikat niya at muling pinagmasdan ang buwan. Parang ang tagal na yata naming magkasamang dalawa? Ang tagal kasing umaraw. Hindi naman sa nagmamadali akong umuwi pero nakapagtataka lang. Muli kong narinig ang mga pamilyar na boses na tumatawag sa pangalan ko pero di ko nalang ito pinansin.

Napalingon ako kay Sid ng maramdaman ko ang pag uga ng katawan niya at ayun. Kumakain pala siya. Nagutom siguro. Binalak ko na dating kumain ng mga prutas na nandito pero pinagbawalan niya ako sa di ko malaman na dahilan. Kesa mag away kami ay sinunod ko nalang siya pero nagtaka ako dahil sa unang pagkakataon ay inalok niya akong kumain ng mansanas na hawak niya na nakagatan na niya.

Tumanggi ako at nakita ko ang paglungkot ng mata niya kaya para di ako ma-guilty sa ginawa ko ay inilingkis ko ang kanang kamay ko sa kanang braso na siyang nakahawak sa kaliwang kamay ko at pumikit.

Magkahawak ang ating kamay

at walang kamalay-malay

na tinuruan ang puso ko na umibig ng tunay

Huminto ako sa pagkanta ng makaramdam ako ng pagkaantok.

Nang magising ako ay magkahawak pa rin ang kamay namin ni Sid at madilim pa rin ang paligid. Nilingon ko siya at nakitang nakatingin sa akin. Hinalikan niya ang nuo ko na siyang kinangiti ko sa di ko malaman na dahilan.

Muli kaming naglaro ni Sid at sa paglalaro namin ay halos mabingi na ko sa pauulit-ulit ng pangalan ko. Sa kalagitnaan ng paglalaro namin ng taguan ay hindi ko kinaya at hinanap ang pinagmumulan ng ingay. Lumakad ako ng lumakad. Nakakaramdam na din ako ng pagod at pagka uhaw at halos pabigay na ang katawan ko ng mapansin kong unti-unti ng lumiliwanag kaya nagpatuloy ako.

“Anak! Rae!” dinig kong tawag ni Mama sa akin at bago ako tuluyang mawalan ng malay sa pagbigat ng katawan ko ay nasalo ako ni Papa.

“Saan ka ba nagpuntang bata ka? Pinagalala mo kami! Alam mo bang tatlong araw ka ng nawawala ha?” dinig kong sabi ni Papa habang si Lola ay hinahaplos ang buhok ko at bakas sa kanya ang pagaalala.

Ha? Tatlong araw? Ganun katagal? Paano nangyari iyon?

“Uuwi na tayo ngayon. Dadaan tayo sa hospital para ma-check ka. Mamaya kung napano ka. Nakakain ka ba ha? Nakainom? Nakatulog?” sunud-sunod na tanong ni Papa habang sinasakay nila ako sa kotse.

Teka. . Hindi pa ako nakakapag paalam kay Sid! Kailangan ko siyang sabihan!

“L-la. . Si S-Sid. .” pilit kong sabi habang siya ay nakadungaw sa bintana. Mukhang di sa amin sasama si Lola.

“Iho, sinabihan na kita tungkol dito di ba?” nagaalalang sabi niya at tumingin sa kalangitan na nagbabadya ang pagdilim.

“B-babalik ako, pangako. B-b-balikan ko si Sid.” salita ko sa huling pagkakataon bago ako tuluyang lamunin ng kadiliman.

Ilang taon ang nakalipas pero hindi ko na nagawang bumalik duon. Hindi ko natupad ang naipangako ko. After kasi ng insidenteng iyon ay pinagbawalan na ako nila Papa na bumalik duon. Sabi nila na-engkanto daw ako. Kundi pa sila dumating nu’n o kung hindi ako tumigil sa pakikipaglaro kay Sid ay baka tuluyan na niya akong nakuha mula sa mundo ng mga tao.

Siguro nga tama sila na gusto akong kunin ni Sid dahil malungkot siyang tao para sa akin na nagawa lang ngumiti ng maging magkaibigan kami so, tell me, wouldn’t he be selfish for the reason that he just wants himself to be happy? Engkanto man pero para din siyang tao na nalulungkot at alam ko at ramdam ko na galit siya sa akin dahil hindi ko tinupad ang ipinangako ko sa kanya at ganun din kay Lola.

Naalala ko pa ang kwento ni Mama sa akin nung araw na umalis kami lulan ng aming kotse ay katakut-takot na ulan daw ang sinuong namin na parang sa bagyo pero ang di niya daw makakalimutan ay ng makita niyang magliwanag ang isang parte ng bundok sa gitna ng malakas na ulan dahil sa mga alitaptap. Weird di ba?

“Sis, saan mo ngayon balak mag bakasyon?” tanong ni Eric na isa ding bakla tulad ko na nagiging si Erica pag sapit ng gabi. Matagal na kaming magkaibigan. Since highschool pa.

“Ewan. Kay Lola?”

“Hoy, bakla! ’Di mo sinabing gusto mong sumunod sa Lola mo sa heaven?” natawa ako sa sinabi niya. Well, yes. Matagal ng pumanaw si ’La Sita. Third year highschool ako nu’n ng malaman ko kina Mama. Pumunta si Mama sa bahay ni Lola para pilitin siyang dito nalang sa siyudad mamalagi pero tinanggihan niya ito at sinabing di niya kayang iwan ang lugar kahit na hirap na siya kumilos dahil sa sakit niya. Kinabukasan ng bumalik si mama para sana dalhin lamang siya sa hospital ay nakita nalang nila siya na nakaupo sa gilid ng pintuan at hawak ang kahon na may mga puting bulaklak. Para nga lang daw natutulog si Lola.

Ang hindi ko naman maintindihan ay kung bakit di siya dinala sa siyudad para paglamayan. Kwento kasi ni Mama ng mismong araw na iyon ay bumili sila ng bangka ni Papa at duon inilagay ang katawan ni Lola at hinayaang tangayin ng alon ng dagat ang bangka. ’Di ko alam kung bakit ganun ang ginawa nila basta sabi nila pamahiin. Ewan. Nuon ko lang iyon narinig.

“Tange! Magso-soul searching ako. Malay mo, nanduon lang pala ang bubuo sa akin.”

“Ay, si Sid ba iyan? Sows! Wag ka na umasa sa engkantong iyon. Sinaktan mo nga siya di ba? Iniwan mong luhaan. Tingin mo ba gugustuhin ka pa rin niyang makita matapos ang lahat?”

“Ang sama mo sa akin ’no? FYI, hindi ko naman siya ginustong iwanan eh sadyang mga bata palang kami nuon or ako? At saka, kundi man niya na ako gustong makita, makahingi lang ako ng tawad sa kanya ay ayos na sa akin.”

“Okay. Sabi mo eh. Pero Rae, malaki ka na ngayon at nasa hustong isip ka na kaya kung ma-engkanto ka ulit ni Sid, piliin mo ang nararamdaman nito hindi ang sinasabi nito, okay? ’Di ka naman mami-miss ng magulang mo eh last year pang sumunod iyon sa Lola mo sa langit at mas lalo naman ako syempre! Medyo lang ’no. Hahaha.” tinuro niya ang puso ko at ngumiti sa akin.

“Sana lang magpakita pa siya sa akin.”

Isang buwan matapos ang paguusap namin ni Eric ay napagpasyahan kong bumalik sa kubo ni ’La Sita at nakapagtatakang nakatayo pa rin ang kubo at para bang may tao pa ring nakatira dahil sa ayos nito. Hinanap ko yung kahon na originally ay sa akin dahil nanduon nakalagay yung mga bulaklak na bigay ni Sid at nakita ko siya sa ilalim ng kama at nakapagtataka at gulat akong malaman na hanggang ngayon ay wala man lang itong bakas ng pagkalanta.

Napabuntung-hininga ako habang nakahiga sa kama dahil halos magta-tatlong linggo na akong nandito pero ni isang paramdam mula ka Sid ay wala. Normal lang ang lahat. ’Di kaya dahil mas active ang senses ko nuong bata pa ako kesa ngayon?

“Duon ka nakatira? Naku! Lugar ng engkanto iyon eh!” bulalas ng matandang lalaki na binibilhan ko ng gulay sa baryo.

“Po? Parang hindi naman. Tagal ko ng nanduon wala naman akong naramdaman na kakaiba at saka duon po nakatayo ang kubo ng Lola ko kung saan siya tumira ng matagal.”

“Basta. Magiingat ka. May mga sabi-sabi kasi na sa gabi ay may naririnig ang mga dayo o mismong nakatira dito na kumakanta at nawawalan sila ng malay. Nagigising nalang sila na nasa may kalsada na. Para bang di sila welcome dito at pinapaalis ganun.”

“Ah sige po. Tatandaan ko iyan.”

Kinagabihan, papikit na ang mga mata ko para matulog ng may marinig akong mga tumatawang bata. Eh? Sa ganitong dis oras ng gabi? Tumayo ako at binuksan ng bahagya ang bintana upang sumilip sa labas at wala akong nakitang kahit na ano bukod sa mga lumilipad na alitaptap.

Napangiti ako sa di malamang dahilan at tuluyang binuksan ang bintana at pinagmasdan ang mga nagliliparang alitaptap. Naalala ko tuloy yung naging usapan namin nuon ni Sid at yung sinabi niyang kailangan namin ang isa’t-isa na siyang nagbalik ng kakaibang pakiramdam sa akin.

Sana nuon pa man ay

sinabi na sa iyo

Kahit di na uso ay ito

lang ang alam ko

Kanta ko sa hangin habang inaalala ang pagsandal ko sa balikat ni Sid at ang damdamin ko nuon para sa kanya ng makarinig ako ng malakas na agos ng tubig sa kung saan. Saan galing iyon?

Sa kuryosidad ko ay lumabas ako ng kubo at parang kusang lumakad ang mga paa ko patungo sa kung saan. Madilim man ay hindi ako nahirapan sa paglalakad dahil sa mga alitaptap na sinusundan ko. Napayakap ako sa sarili ko dahil sa kakaiba ngunit pamilyar na lamig na dumampi sa aking katawan.

Huminto ako sa pamilyar na lugar - ang dati naming tagpuan ni Sid. Narinig ko ulit ang mga boses ng nagtatawanang bata at isang pamilyar na boses na nagha-hum. Napaluhod ako at di ko na napigilan na umiyak.

“S-sid? Patawad. Patawad sa pag iwan ko sa’yo. Ako ito. Si Rae. Natatandaan mo pa ba ako? Bumalik ako. Hindi ko kailanman nakalimutan ang ipinangako ko kay Lola na babalikan kita.”

Iyak lang ako ng iyak at pakiramdam ko galit talaga sa akin si Sid dahil sa tagal ko ng tumatangis ay ni hindi ko man lang nakita miski anino niya.

Tumayo na ako para sana bumalik sa kubo matapos kong mag drama ng biglang sa sulok ng mata ko ay isang nakatalikod na lalaki ang nakaupo sa may batuhan at nagha-hum. Isang pamilyar na kanta ang hina-hum niya.

“Sid? Ikaw ba iyan?”

Nilingon ako ng misteryosong lalaki at napatakip ako ng kamay ko sa bibig ko at di ko na napigilang maiyak ulit.

“Bumalik ka.”

Tumango ako at patakbong lumapit sa kanya at  niyakap siya ng mahigpit. Tumingala ako habang nakayakap sa kanya dahil tulad nuon, mas matangkad pa rin siya sa akin at mas lalong kumisig ang kanyang tindig.

“Ang taglay mong liwanag na kahit kailan hindi ko nalimutan ang siyang naging dahilan para makabalik ako sa’yo. ’Di na kita ulit iiwan, Sid. Pasensya na kung nasaktan kita nuon. Sana mapatawad mo pa ako.”

Hindi siya umimik at hinawakan ang dalawang kamay ko na siyang pinagtaka ko.

“Hindi mo alam ang sinasabi mo.” ngumiti siya ng mapait sa akin at ginayak ako para sumayaw sa ilalim ng puting ilaw ng buwan.

“Alam ko! Alam ko ding hindi ka tao pero ito lang ang alam ko para makabawi sa iyo. Maniwala ka sana Sid. Minahal kita ng hindi mo alam. Handa na akong tahakin ang walang hanggang buhay kasama ka mapasaya lang kita. Please, Sid.”

“Payag ako. Wala ng bawian.” ngumiti siya at yumukod para halikan ako.

Buong gabi kaming sumayaw na magkahawak ang kamay kasama ang mga alitaptap na siyang nagsasayang nakapalibot sa amin sa muli naming pagsasama ni Sid.


A/N:

Huehue. Finally! Nakagawa rin ng one-shot na BxB jusko. Ang hirap ah. Anyway, feel free to comment kung kayo ay nasiyahan sa pagbabasa at kung hindi naman ay salamat pa rin at pinag aksayahan ninyo ito ng oras.

Mai-share lang ano? Nagawa ko yung concept nito dahil sa dalawang kanta na pinamagatang Huling El Bimbo by Eraserheads at Bahay Kubo by Hale. Try ninyo pakinggan.

Again, this is your wirdong manunulat, Brictorique, na nagpapasalamat sa inyong oras sa pagbabasa ng aking likha. Ciao!


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.