HOY OSWALDO! [BXB]
mayordamiel · 16 chapters · 47,110 words
HOY OSWALDO!
Simula pagkabata ay sanggang-dikit na sina Blaine at Oswald. Ang unang pagkikita nila ay noong kapwa apat na taong gulang pa lamang sila sa isang palaruan. Inaasar siyang bakla ng ibang mga bata at walang ibang nangahas na ipagtanggol siya kung hindi ito lamang. Hindi ito ang inaasahan niyang knight-in-shinning-armor. Napakabayolente nang pagsugod nito. Matapos nitong pagsusuntukin ang apat na bully, lumapit ito sa kanya at inilahad ang kamay.
“Ako nga pala si Oswald,” pagpapakilala nito.
Nahihiya niyang tinanggap ang kamay nito. Hindi niya maiwasang pamulahan ng mukha sa paghanga rito. Gwapo ito at higit na mas matangkad sa kanya kahit na pareho lamang sila ng edad.
“Blaine,” mahina niyang pagtugon.
Iyon ang simula ng kanilang pagkakaibigan. Ito ang naging tagapagtanggol niya habang siya naman ang naging masugid nitong tagasuporta. Lubos niyang hinahangaan si Oswald. Napakagaling nito sa paglalaro ng soccer. Hindi man siya mahilig sa isport, lagi naman siyang sumusunod rito upang samahan sa mga practice at laro nito.
Ang simpleng paghanga ay napunta sa lihim na pagkakagusto kay Oswald. Pero may pag asa ba siya kung kaibigan lang talaga ang turing nito sa kanya?
YOUNG ADULT FICTION
All Rights Reserved
©mayordamiel
soon
PART 1
PART 1
Blaine
“Blaine!” rinig niyang pagtawag sa kanya ng kanyang mama mula sa labas ng kanyang kwarto. “Nandito na ang boyfriend mo.” Maliban sa boses ng kanyang mama, narinig niya rin ang pagtawa ni Oswald o Oswaldo kung siya pa ang tumatawag sa kanyang pinakamatalik na kaibigan.
Napaungot siya. Maswerte siya kung boyfriend nya nga ito pero hindi. Hanggang matalik na kaibigan lamang ang turing nito sa kanya at ayaw niya rin naman iyong sirain dahil lamang sa may patago siyang pagtingin para rito.
“Mama!” pag angal niya. “Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon, hindi ko po boyfriend iyang si Oswaldo. Papasukin mo na lang po dito. Patapos na rin naman po ako.”
Tapos na siyang makapagbihis sa kanyang uniporme. Mabilis niyang inilagay ang mga libro at notebook niya na inilabas kagabi nang magsagot siya ng kanyang mga assignment sa kanyang bag. Ganoon lagi ang kanilang set-up ni Oswald. Tuwing umaga ay susunduin siya nito sa kanilang bahay dala ang motorsiklo nito at pagkahapon ay ihahatid rin.
“Boyfriend mo pala ako eh.” ani ng isang baritonong boses.
Napalingon siya sa bumukas na pinto at pumasok ang nakangiting si Oswald. Mapang asar ang ngiti sa labi nito. Kaswal itong tumungo sa kanyang higaan at nahiga. Itinukod nito ang isang braso para suportahan ang ulo at pinanood siya na magligpit ng gamit.
“Asa ka pa.” pang aasar niya dito pero ang totoo niyan ay siya talaga ang umaasa niyon. “Huwag ka nang mahiga diyan. Magugusot ang uniporme mo.” Isinarado na niya ang kanyang bag nang matapos niyang ilagay ang lahat ng libro at notebook niyang kakailanganin.
“Sus, parang lugi ka pa ah.” pang aasar nito pabalik sa kanya. Nang mapansin na tapos na siya ay tumayo na ito at kinuha ang kanyang bag at isinukbit sa balikat nito. “Tara na, boyfriend ko.” dagdag asar pa nito.
Inirapan niya na lamang ito at nauna nang lumabas. Sumunod naman ito sa kanya. Dinaanan niya muna ang kanyang ina na abala sa paglilinis sa kanilang pinagkainan ng almusal. “Bye, ma. Mauna na kami ni Oswald.”
“Bye po, Tita.”
Nakangiti namang tumango ang kanyang ina. “Mag ingat kayong mag-boyfriend ah.”
“Mama talaga.” muli niyang pag angal. “Sige na po. Bye-bye!”
Matapos makapag paalam sa kanyang mama ay sabay na silang lumabas ng gate kung saan nakaparada ang itim na motorsiklo ni Oswald. Hindi pa talaga ito pwedeng magmaneho dahil pareho pa lamang silang dise-sais pero nagpumilit ito sa magulang at dahil bunso, binilhan. Ang hindi niya talaga kinaya ay siya ang inirason nito sa mga magulang, para lagi daw silang sabay na papasok sa eskwelahan. Sobra-sobra ang kanyang kilig na naramdaman noong sinabi iyon sa kanya ni Oswald kahit na alam naman niyang ginawa lamang nito iyon dahil matalik na kaibigan ang turing nito sa kanya.
Inilagay nito ang kanyang bag sa harap nito. Pabaliktad nito iyong isinuot kaya ang umbok ng kanyang bag ay nasa harap nito. Hindi nagdadala ng bag si Oswald dahil iniiwan nito ang mga gamit sa locker nila sa school habang siya naman ay hindi mapakali kapag hindi nakakapag basa o review kaya dinadala niya pauwi ang kanyang mga libro at notebook. Wala rin siyang gadget kagaya ng iba kaya nagtitiis siya sa tradisyonal na paraan.
Nauna itong sumampa sa motorsiklo at sumunod naman siya. Nahihiya man siya, yumakap siya sa likod nito at ipinalibot ang kamay sa bewang. Hindi niya naiwasang pamulahan ng pisngi. Bakit ba kasi ang gwapo at ang bait sa kanya ni Oswald? Naiinis rin siya sa sarili na nahulog siya sa kanyang kaibigan.
“Ayos ka na, Blaine?”
“Oo.” Maikli niyang tugon. Sinimulan na nitong paandarin ang motorsiklo at mas napahigpit na lang ang yakap niya sa bewang nito. Hindi niya rin maiwasang maamoy ang mabango nitong damit. Amoy bagong labang damit na may farbric conditioner. Alam niyang bunso ito sa tatlong magkakapatid kaya naman alagang-alaga ito. Laki sa layaw at nasusunod ang lahat ng gusto pero kahit kailan man ay hindi niya nakitaan si Oswaldo na nagmayabang ito sa mga materyal na bagay na meron ito.
Dama niya rin ang init ng katawan nito. Hindi niya maipaliwanag pero may kakaibang komportableng pakiramdam iyong ibinibigay sa kanya. Napapahiling tuloy siya na malaman kung ano ang pakiramdam na mayakap at makulong sa bisig at dibdib nito. Makakaramdam ba siya ng seguridad at kaligtasan?
Labin limang minuto lamang ang kanilang naging byahe mula sa kanilang subdivision patungo sa pinapasukang eskwelahan. Scholar siya sa pribadong eskwelahan na iyon at kung hindi dahil doon, hindi kakayanin ng kanyang mga magulang na mapag aral siya doon. Sa libro pa lamang nila ay halos malula na siya sa babayarin.
Nang makarating sila sa eskwelahan ay dumiretso sila sa parking lot pero bago sila pinapasok doon ng mga gwardya ay tiningnan muna ang kanilang mga ID at sinuri ang kanilang mga bag. Nang ihinto nito ang motorsiklo sa madalas nitong pinaparadahan ay nauna na siyang bumaba at hindi rin nagtagal ay sumunod ito na hawak ang susi ng motorsiklo sa kamay.
“Akin na ang bag ko.”
“Ako na magdadala. Boyfriend mo ako, ‘di ba?” natatawa nitong tudyo na ikinairap ng kanyang mga mata pero sa loob-loob niya ay hindi na niya maitago ang nadaramang kilig mula sa gwapong kaibigan.
“Kung ikaw lang rin naman, parang ayoko na magka-boyfriend.” aniya at mabilis itong tinalikuran upang maitago ang pag iinit ng kanyang buong mukha.
“Lugi ka pa?” pang aasar nito at sinabayan siya sa paglalakad. Inakbayan pa siya nito sa balikat dahilan para mas mapagtanto niya kung gaano siya kaliit. Halos hanggang kili-kili lamang siya nito. Hindi siya pandak, sadyang may katangkaran lamang talaga si Oswaldo. “May practice game nga pala kami mamaya. Samahan mo ulit ako ah.”
“Hanggang anong oras?” tanong niya.
“Hanggang 5:00 lang. Ayokong umuwi ka nang mag isa kaya samahan mo na lang ako.” anito na kanyang tinanguan bilang pag sang ayon. “Yes! Libre na lang kita mamaya ng merienda bilang kabayaran.”
“Naku, huwag na.” pag tanggi niya.
“Bawal tumanggi.” mariin nitong usal “Gutom rin ako pagkatapos ng practice kaya kailangan kong kumain. Saan ba gusto mong kumain?”
“Ikaw na bahala. Ikaw naman manglilibre eh.”
Napangiti ito. “Sige. Magugustuhan mo ang pupuntahan natin mamaya.”
Tahimik nilang tinahak ang daan patungo sa kanilang classroom dahil magkaklase naman sila nito. Naka-akbay pa rin ito sa kanya. Madalas nga silang napapagkamalan na may relasyon ng mga hindi nakakakilala sa kanila dahil sa kung gaano sila kalapit sa isa at isa. Hindi rin nakakatulong na napaka-clingy ni Oswaldo. Kapag gusto nitong umakbay, aakbay ito. Hindi ito nakakaramdam ng hiya na magpakita ng apeksyon na isa sa pinaka-hinahangaan niya.
Pagkapasok nila sa loob ng kanilang classroom ay saka lamang ito tumigil sa pag akbay sa kanya at inabot ang kanyang bag. Nabigla siya sa bigat niyon dahil isang kamay lang ang ginamit niya sa pagkuha dahilan para mabitawan niya, mabuti na lamang at mabilis ang reaksyon ni Oswald dala ng pagiging football player nito at nasalo nito ang kanyang bag.
“Nag almusal ka na ba? Parang wala ka pang lakas ah.” nakangiti nitong tanong at inilapag sa table niya ang bag.
Napangiti na lamang rin siya. “Nabigla lang.” aniya bago naupo sa kanyang upuan katabi ng kay Oswald.
Malapit sila sa kanilang mga kaklase pero sila talaga ni Oswald ang palaging magkasama sa lahat ng bagay. Mula pagpasok sa umaga, pagkain ng lunch sa tanghali, pagmemerienda sa hapon, at maging sa pag uwi sa kanilang subdivision. Sa sobrang lapit nga nila sa isa’t-isa ay sinabihan pa siya ng kanyang mama na ipapaampon na lang daw siya sa mga Torrero para magsama na sila ni Oswald habang-buhay pero ayaw nya. Ayaw niyang maging stepbrother si Oswald. Gusto niya asawa.
Pinigil niya ang mapangiti at baka mapansin siya ni Oswaldo. Hindi siya nito tatantanan nang pangungulit para lamang malaman ang kanyang ikinangingiti.
6:48 pa lamang nang umaga at 7:00 pa ang simula ng kanilang klase kaya naman karamihan sa kanilang mga kaklase ay nagkakagulo pa. May mga nagkokopyahan ng assignment na mamaya ipapasa, may nagchi-chismisan at may mga naglalaro pa ng mobile games.
“Blaine,”
Nilingon niya si Oswaldo nang tawagin siya nito. “Oh?”
“Ipinabibigay ni mama. Ang tagal mo na daw na hindi bumibisita sa bahay.”
Nabigla siya nang abutan siya nito ng isang maliit na box. Kunot ang noo niya iyong binuksan at napanganga siya nang makita ang isang bracelet. Manipis lamang iyon pero napaka ganda ng design at may maliit na pendant pang parang medyas.
“Hoy, ano ito?” hindi makapaniwala niyang tanong kahit na alam naman niyang regalo iyo galing sa kanyang tita Ethan. Nami-miss nya na rin bumisita sa bahay nila Oswaldo lalo na ang mga baked goods at luto ng mama Ethan nito.
“Regalo ni mama sa iyo.” tugon nito at kinuha sa kanya ang bracelet at isinuot sa kanyang kaliwang palapulsuhan. Nag init ang kanyang pisngi nang dumapo ang kamay nito sa kanyang balat. Wala siyang naramdamang kuryente katulad nang sa mga nababasa niya sa libro pero nadama niya ang init sa balat nito at pinapalakas niyon ang pagkalabog ng kanyang dibdib. “Tingnan mo oh. Nasa akin ang kapares na medyas. Pinilit talaga ako ni mama na isuot ito kahit alam naman niyang baka mapigtal ito sa practice.”
Idinit nito ang kanang kamay sa kanyang kaliwa para ipakita ang kanilang bracelet na pareho ng desenyo.
“Asawahin na daw kita sabi ni mama.” natatawa nitong usal habang siya naman ay hindi na maitago ang namumulang mukha. “Ang tanong kaya mo ba ang isang Torrero?” may mapaglarong ngiti sa labi nitong tanong at kinindatan pa siya.
“Hoy Oswaldo!” namumula ang mukha niyang saway dito na ikinatawa lang nito nang malakas. “Pero sabihin mo kay tita, salamat. Sobrang ganda nito.”
“Daan ka na lang kaya mamaya sa bahay? Ihahatid naman kita sa inyo eh. Miss ka na kasi ni mama.”
Napangiti siya. “Sige. Bigyan mo ako ng tinapay na bine-beyk ni tita ah.”
“Ikaw na lang manghingi kay mama.”
“Nakakahiya.”
“Sige na nga.”
Natigil sila sa pag uusap nang dumating na ang kanilang Homeroom teacher at nagsimula na sa pagche-check ng kanilang attendance.
Mabagal na lumipas ang oras dahil nadalawang magkasunod na subject ang lumipas bago sila nagkaroon ng 15-minute break kung saan pwede silang bumili ng snacks sa canteen o kaya naman gumamit ng mga restroom. Madalas ay nagku-kwentuhan lamang sila ni Oswaldo sa 15-minute break nila pero kung minsan ay nagpapasama ito sa canteen para bumili ng kung anu ano kagaya ngayon.
Nakasunod siya rito na naglalakad patungo sa canteen. Marami sa kanilang nakakasalubong ay binabati ito. Popular si Oswaldo sa kanilang eskwelahan dahil napakagaling nitong striker. Ilang sunod na taon na na laging champion ang kanilang eskwelahan dahil dito. Siya ang laging MVP at may pinakamaraming puntos, idagdag pa na gwapo ito at mabait, marami ang nagkakagusto sa kanyang matalik na kaibigan. Isa na siya doon.
“Gusto ni papa na mag bakasyon kami sa Palawan kapag wala nang klase. Sama ka ah. Ipapaalam kita kay tita para naman may makausap at makasama ako.” anito bigla.
“Baliw. Pang pamilya nyo lang siguro iyon. Atsaka napakalayo ng Palawan. Baka hindi rin ako payagan ni mama na sumama.” pag tanggi niya. “Atsaka andoon naman ang kuya OJ at Argo mo, hindi ba?” ilang beses nya pa lamang na nakasama ang kuya OJ at Argo nito at mabait naman ang mga iyon. Medyo kinakabahan lang siya sa kuya OJ nito dahil palaging nakakunot ang noo.
“Ughhh… mag lalandian lang naman ang mga iyon eh.”
Napangiti siya. Napaka-sweet nga ng dalawa sa isa’t-isa. Kahit na parang nakapaka brusko ng kuya OJ nito at iyon naman ang inihinhin ng kuya Argo nito. Nakikita nya pa rin kung gaano ka-sweet ang mga ito.
“Inggit ka lang eh.”
“Family stroke? Ayoko.” anito.
“Ano iyon?” naguguluhan niyang tanong.
“Wala.” simple nitong tugon at pumasok sa malawak na cafeteria.
Dumiretso sila sa nagtitinda ng fruit juice at sandwich. “Dalawang fruit juice at dalawang sandwich po.” ani Oswald at iniabot nito sa tindera ang card nito kung saan doon na ichina-charge ang mga binibila na sa canteen at tuwing katapusan ay binabayaran kasama ng kanilang tuition.
“Busog pa ako.”
“Kaya ang payat mo eh.”
“Anong kinalaman non?” tanong niya bago naupo sa isang pahabang upuan at hinintay itong makabili. Nang makibigay na nang tindera kay Oswaldo ang binili nito, iniabot nito sa kanya ang isang baso ng fruit juice at ang sandwich. “Salamat.”
Sabay silang naglakad pabalik sa kanilang classroom. Malalaki ang pagkagat na ginagawa nito sa hawak na sandwich na sinasabayan nito ng pag inom sa hawak na fruit juice sa kabilang kamay.
“Ikaw ata ang gutom sa atin eh.”
Napangiti lamang ito. “Nakakagutom makinig kay Ma’am. Wala akong maintindihan tapos ayaw mo pang ipaliwanag sa akin kanina.” may himig nang pagtatampo sa boses nito na ikinataas ng kanyang kilay.
“Hindi ko nga rin maintindihan eh tapos kinukulit mo pa ako.” napapangiti niyang usal at sinimulan na ring kainin ang hawak na sandwich. “Subukan ko na lang basahin mamaya tapos pag aralan ko para maipaliwanag ko sa iyo.”
“Talaga? Bait talaga ng kaibigan ko. Sundin ko na kaya si mama at pakasalan na kita?”
“Bolero!” namumula ang mukha niyang usal habang tumatawa lamang ito.
Inubos muna nila ang kinakain sa harap ng kanilang classroom at itinapon sa basurahan ang mga lalagyan bago pumasok kung saan nakipag buno na naman sila ng dalawang oras sa pakikinig sa klase.
TANGHALI at oras na para sa kanilang lunch break nang makalabas sila. Bumili lamang silang dalawa ng pagkain sa canteen at pumunta sa rooftop ng abandonadong gusali sa loob ng kanilang school. May dalawang kubo kasi sa itaas doon at doon sila madalas kumain at tumambay ni Oswaldo. Gustong-gusto nila maglagi doon dahil sa tahimik at mahangin.
“Patikim nga ako ng binili mong ulam.” anito at sumandok sa kanyang biniling adobong manok. “Masarap. Sana pala iyan na lang ang binili ko. Hindi ko gusto itong afritada. Mas masarap talaga ang luto ni mama kesa dito.”
“Hatian mo na lang ako dito.” alok niya at sinandok ang kalahati ng adobo at inilagay sa plato ng kaibigan.
“Salamat, Blaine.”
Matapos kumain ay tumambay silang dalawa doon at dinadama ang presko at malamig na buga ng hangin. Hindi niya maiwasang mapatingin sa gwapo nitong mukha habang ang buhok nito ay sumasayaw sa ihip ng hangin. Napaka-presko nitong tingnan. May halong yabang ang ngiti habang abala ito sa paglalaro sa cellphone na hawak at hindi niya ito masisisi. Napakagwapo ng kanyang kaibigan at hindi naman iyon lingid sa kaalaman nito.
Minsan napapaisip siya bakit parang ang unfair ng mundo. Ang gwapo ng kanyang kaibigan habang siya naman ay mukhang patatas sa tabi nito. Higit na matangkad rin ito sa kanya at ang moreno nitong balat na parang nagliliwanag kapag nababad sa araw.
Dumako ang tingin niya sa mukha nito. Seryoso na ang mukha nito habang nakatutok ang atensyon sa cellphone. Halos magdikit na ang makapal nitong kilay at mas magdilim lalo ang kulay tsokolate nitong mga mata. Ang matangos nitong ilong at ang mapula nitong labi. Prominente rin ang panga nito. Napapatanong siya kung umiigting rin kaya iyon kagaya sa mga nababasa niya sa Wattpad?
“Tskkk. Talo.” napapailing at dismayado nitong ibinaba ang cellphone bago siya hinarap. “Mag install ka na kaya ng laro na ito para may kasabay na ako maglaro. Hindi ko gusto itong mga nakakasama ko sa laro. Tuturuan kita sa umpisa at kung gusto mo, buhatin pa kita eh.”
Pinigil niya ang kiligin. “Huwag na baka maadik pa ako, atsaka baka hindi kayanin ng cellphone ko. Low specs lang ito. Ultimo Google nga nahihirapan pang i-load.”
“Gusto mo hiramin ang iPad ko? Hindi ko naman iyon ginagamit at nakatambak lang sa kwarto ko.”
“Ayoko.”
“Sige na. Hiramin mo na lang. Kahit huwag ka na maglaro. Para may magamit ka sa pagre-review at hindi ka na magdala ng napakaraming libro at notebook.” pangungumbinsi nito.
“Oswaldo, baka hanapin iyon sa iyo ng magulang mo.” pagdadahilan niya kahit na nakukumbinsi na siyang hiramin iyon dahil makakatulong iyon sa kanya ng malaki.
“Huwag mo silang problemahin. Ako na bahala kay mama at papa na magdahilan at kapag nalaman rin naman nilang sa iyo ko iyon ipapahiram, wala namang magiging problema iyon sa kanila. Boto kaya si mama sa iyo para sa akin.”
Mabilis na nag init na naman ang kanyang pisngi.
“Sayang. Kung naging bakla o kaya bisexual ako. Papatusin kita, Blaine.”
Napanganga siya sa pagkakabigla sa sinabi nito. “OSWALDO!”
Tumawa ito. “Biro lang. Pero seryoso ako ah. Ipapahiram ko sa iyo ang iPad ko.”
Kinuha niya ang panyo sa kanyang bulsa at pinunasan ang malamig na pawis na namuo sa kanyang noo. Minsan talaga wala ring preno kung makapagsalita ang kanyang kaibigan na laging nauuwi sa kanyang pagkakabigla at kilig.
“Sige na at salamat talaga, Oswaldo.”
“Kiss mo na lang ako bilang bayad.” nakangiti nitong usal.
Inirapan niya ito kahit na kilig na kilig na siya sa kanyang isip. “Bilisan mo na diyan at ibabalik pa natin ang mga pinagkainan natin sa canteen.”
“Wait lang.”
SAKTONG alas tres na nang hapon nang matapos ang kanilang klase at ang isang oras ay nakalaan para sa kanilang mga extracurricular activities. Student Volunteer Club ang kanyang sinalihan at matapos ang ilang session ng mga workshop at training sa pag aaply ng first aid kit ay wala na ulit naging ganap sa kanilang club hindi katulad sa mga katulad ng sports club na kada araw ay may training at mga practice game.
Sumama siya kay Oswaldo sa locker room kung saan nakasalubong niya ang ilan sa mga studyante. Abala ang karamihan sa pagpapalit ng damit pang practice. Mayroon din siyang locker doon pero nagagamit nya lamang kapag kanilang P.E.
Nakabihis na ang ilan sa mga team mate ni Oswald pagdating nila sa hilera ng locker para sa soccer team. May pahabang upuan sa gitna na pwedeng upuan kapag nagbibihis pero ukopado ng mga bag.
Binati ng mga ito ang kanyang kaibigan at maging siya. Kilala na niya ang mga team mate nito at kilala na rin siya ng mga ito. Alam ng mga ito na matalik silang magkaibigan ni Oswaldo at kagaya ng kanyang kaibigan, wala namang problema ang mga ito sa kanyang presensya.
“Sige, Oswald. Hintayin ka na lang namin sa field ah.” paalam ng mga ito at naiwan sila doong dalawa sa locker room. Binuksan ni Oswaldo ang locker nito sa pamamagitan ng paglalagay nito ng combination ng lock bago kinuha sa loob ang pares ng soccer uniform na kulay green at black.
Napalunok siya nang kaswal na kinalas ni Oswaldo ang polo nito at unti-unting tumambad sa kanyang paningin ang katawan nito. Iniwas niya ang tingin at baka mahuli siya nito at asarin na naman pero sapat na ang saglit na sandaling nakita niya ang moreno nitong balat sa dibdib at tiyan at ang papatubo nitong masel para maging eratiko ang pagtibok ng kanyang dibdib.
Dapat talaga ay may pangloob pa na t-shirt ang prescribe nilang uniporme pero hindi iyon sinusunod ni Oswaldo.
Muli niyang nilingon ang kaibigan at ang slacks na ang hinuhubad nito. Doon mas lalong nag init ang kanyang pisngi. Hindi niya mawari pero parang ang tukso na talaga minsan ang lumalapit at sinusubok ang kanyang karupukan.
Muli niyang iniwas ang tingin at ang kabuohan ng locker room ang tiningnan. Narinig niya ang pagkalas ng sinturon nito at pinalipas niya ang ilang minuto bago muling hinarap ang kaibigan na sa pagkakataong iyon ay nakaupo na at isinusuot ang pares ng medyas na hanggang ilalim ng tuhod nito ang haba. Matapos iyong maisuot ay isinunod nito ang sapatos.
“Tara na, Blaine. Tapos na akong magbihis.”
Tumango siya at kinuha ang maliit nitong bag na may lamang bimpo at baunan ng tubig. Iyon talaga ang kanyang role kada may practice ang kanyang kaibigan. Sobrang supportive niya dahil may kasunduan sila na ginawa noong bata pa sila na susuportahan niya ito hanggang sa maabot nito ang pangarap na maging isang pro football player at siya ang magiging manager nito kapag nangyari iyon.
Nang marating nila ang football field ay dumiretso siya sa isang malilim na bench habang si Oswaldo naman ay tumatakbong dumalo sa mga ka-team mate na nagsisimula nang mag warm up. Matapos ang ilang minutong stretching at exercise ay nagsimula na ang mga ito na maglaro.
Namamangha at may yabang sa dibdib niyang pinanood ang kanyang matalik na kaibigan na maglaro. Pamilyar na siya sa kung papaano laruin ang football dahil bata pa lamang sila ni Oswald ay iyon na ang nilalaro nito. Walang kahirap-hirap lamang nitong nilalagpasan ang depensa ng kalabang team at sumisipa para maka-goal. Kung minsan ay mumimintis rin ang mga pag sipa nito at minsan ay nahuhuli ng goalkeeper pero madalas ay nakaka score talaga ito.
Torrero. 03. Iyan ang jersey number ng kanyang kaibigan. June 03 ang birthday nito at ikatlo rin ito sa magkakapatid. Isa rin daw sa dahilan na pinili nito ang number 03 bilang jersey number ay iyon rin ang araw na nagkakilala sila sa isang playground. Tanda niya rin iyon. Alas tres rin iyon ng hapon.
Napangiti na lamang siya. Hindi niya rin masisi ang kanyang sarili na makaramdam ng matinding paghanga sa kaibigan dahil sa ipinapakita nito gayun man, pinipigil niya pa rin ang sarili dahil alam niya sa sarili niyang hanggang kaibigan lang ang turing nito sa kanya.
Isang oras rin ang lumipas at pawis na pawis at hinihingal itong lumapit sa kanya. Malapad ang ngiti nito. Tuwang-tuwa sa practice na ginawa. “Sobrang init at nakakapagod.”
“Uminom ka muna ng tubig.” aniya at mabilis na inabot ang bottle water sa kaibigan na nakangiti nitong kinuha at walang hintong ininom ang laman. Ubos na ang halos kalahati ng 1 litro na tubig nang ibaba nito ang bote ng tubig.
“Whoah!”
Hinubad nito ang pang itaas at tumabi sa kanya ng upo sa bench. Agaran niyang kinuha ang bimpo at tumalikod ito sa kanya kaya naman pinunasan niya ang pawisan nitong likod.
“Nakita mo ba iyong laro ko kanina, Blaine?” tanong nito.
“Oo, sobrang galing mo na sa pagpapasa at pagdadala ng bola patungo sa kabilang panig ng field. Halos bilang ko nga lang ang pagkakataon na naaagawan ka ng bola eh.” aniya habang patuloy sa pagpupunas sa likod nito.
“Pansin mo pala iyon.” hindi nito makapaniwalang usal. “Oo, iyon ang pinapagtuonan sa akin ni Coach kapag nagpa-practice kami. Wala na daw problema sa pag iiskor ko kaya kailangan ko na lang hasain ang ball handling ko.”
“Kayang-kaya mo na talaga ang magiging mga laro ninyo. Championship at MVP secure na naman para sa school natin ito.” masaya niyang usal.
“Sana nga.” masaya nitong pag sang ayon. “Tara na at may date pa tayo tapos papakilala pa kita kay mama at papa.” pagbibiro nito bago tumayo at inilahad ang kamay sa kanya.
Itutuloy…
PART 2
PART 2
Blaine
Hinintay niya si Oswaldo na mag-shower at magbihis muna sa locker room pero hindi na siya sumama pa sa loob at baka kung ano pa ang kanyang makita. Nagpaiwan na lang siya sa may bench sa harap ng locker room at ilang minuto lang rin ang lumipas at muli niya itong nasilayan na naglalakad patungo sa kanya. Simpleng t-shirt, shorts at sneakers lamang ang suot nito pero lumilitaw na kaagad ang kagwapuhan ng kaibigan. Nakangiti ito at sukbit sa likod ang kanyang bag.
“Tara na?” tanong nito na kanyang tinanguan. Tumayo siya at sinabayan itong maglakad patungo sa parking lot ng kanilang eskwelahan. Mabilis na nag init ang kanyang pisngi nang umakbay na naman ito sa kanya at doon niya na samyo ang pinaghalong amoy ng Safeguard at Johnson’s baby cologne na kulay blue na pamilyar na pamilyar na sa kanya ang amoy.
Kagat ang labi niyang pinigilan ang kilig na naramdaman. Medyo kakaunti na lang mga estudyante sa paligid kaya sinulit na niya ang pagkakataon na magkadikit sila ni Oswaldo. Dama niya ang init ng katawan nito, amoy niya ang bango nito at sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, malinaw niyang nakikita sa kanyang isip ang gwapo nitong mukha.
“Saan nga pala tayo pupunta, Oswaldo?” tanong niya nang makarating sila sa parking lot. Nakatayo sila sa harap ng motorsiklo nito habang kinukuha nito ang dalawang half helmet sa compartment ng motorsiklo nito.
“May bagong unli-wings na kainan malapit sa mall. Subukan natin kung masarap.” anito bago inilagay sa kanyang ulo ang half helmet at inilock ang strap sa ilalim ng kanyang baba.
Nakagat niya ang kanyang labi nang sandaling magkatitigan sila nito at dahil hindi niya makayanan na tumitig sa kulay tsokolate nitong mga mata sa takot na baka makita nito doon ang kanyang inililihim na pagtingin para rito.
“May crush ka sa akin, Blaine noh?” tanong nito at unti-unting lumapad ang mapang asar na ngiti sa mga labi nito.
“Ang kapal ah.” namumula niyang usal. “Wala akong crush sa iyo noh.”
Tumatawa itong nagsuot ng helmet at muling inilipat ang kanyang bag sa harap nito. Nauna itong sumampa sa motorsiklo nito at sumunod siya. Yumakap siya sa katawan nito para kumapit at nang masigurong ayos na siya ay pinaandar na nito ang motorsiklo at lumabas sila ng kanilang eskwelahan patungo sa pinakamalapit na mall.
Maingat kung magpatakbo si Oswaldo at sinisiguro nito na nasa gilid lamang sila ng highway upang hindi maipit sa mga mabibilis at malalaking sasakyan. Isa iyon sa rason kung bakit nakakaramdam siya ng kapanatagan kapag ito ang nagmamaneho dahil alam niyang ligtas siya sa kamay nito.
Saglit silang nahinto sa daan nang pumula ang traffic lights. “Susulitin ko talaga ang unli wings mamaya sa punto na malulugi sila sa akin. Damihan mo rin ang kain mamaya, Blaine ah.” natatawa nitong usal.
Napangiti siya. “Kailan mo pa ako nakitang kumain ng marami, Oswaldo? Ibawi mo na lang ako. Ikaw naman itong malakas kumain sa ating dalawa eh.” aniya.
“Hayaan mo, akong bahala sa’yo.” anito at mula sa side mirror ng motorsiklo ay nakita niya ang pagkindat nito sa kanya.
Muling naging berde ang traffic lights kaya muling pinatakbo nito ang motorsiklo hanggang sa makarating sila sa tinutukoy nitong establisyemento. “WING STOP,” pag basa niya sa pangalan ng kainan.
Ipinarada ni Oswaldo ang motorsiklo nito sa harap na parking lot. Nauna siyang bumaba nang patayin nito ang makina. Kinalas niya ang suot na helmet at iniabot iyon sa kaibigan na muling itinago sa compartment.
“Tara na.” galak nitong anyaya at hinawakan siya sa kamay at hinila papasok sa establisyemento. Pumwesto sila sa tabing parte kung saan kita nila mula sa salamin na pader ng WING STOP ang malawak na paradahan at ang malaking mall sa tabi. Magkaharap silang naupo sa pang dalawahang booth.
Hindi pa nag iinit ang kanilang mga pang upo ay dumating kaagad ang isang server at binigyan sila ng menu. Hindi na niya masyadong pinagtuonan nang pansin ang presyo dahil si Oswaldo naman ang babalikat niyon.
“Unli spicy wings ang akin, Miss.” ani Oswaldo bago ibinaba ang hawak na menu at tumingin sa kanya. “Ano ang sa iyo, Blaine?”
Muli niyang pinasadahan nang tingin ang menu bago napagdesisyunan ang oorderin. “4 piece chicken wings na lang ang akin. Terriyaki flavor.”
“Ayaw mo ng unli wings?”
Umiling siya sa kaibigan. “Baka nga hindi ko pa maubos itong apat na piraso eh.”
“What do you want for drinks po?” pag singit ng waiter.
“Pineapple juice na lang.” pag tugon ni Oswald. “Sa’yo Blaine?”
“Parehas na lang ng sa’yo.”
Muling inulit nang waiter ang kanilang order bago sila nito iniwan na dalawa.
“Pag hindi mo naubos, bigay mo sa akin. Ako kakain.” nakangiti nitong bulong sa kanya.
“Hindi dito pwede ang sharing of foods. Nasa menu kanina.”
“Huwag lang tayo papahuli.” pilyo nitong ani bago dinukot sa bulsa ang cellphone at itinaas iyon. “Picture tayo para may maipakita ako kay mama kung bakit tayo late na makakauwi.”
Timid siyang ngumiti sa cellphone nito at ilang photo pa ang kinuha nito bago muling ibinaba. Napakunot ang kanyang noo nang itutok nito ang cellphone sa kanya. “Ughhh… ano iyan, Oswaldo?”
“Ngumiti ka na lang, Blaine.” anito kaya ngumiti na lamang siya habang kinukunan siya nito ng picture. “Ang cute mo dito oh.” komento nito bago ipinakita sa kanya ang kuha nitong picture.
Dama niya ang unti-unting pag init ng kanyang pisngi sa puri nito.
“Parang hindi naman.” nahihiya niyang usal. “Bolero ka talaga Torrero.”
“Wala sa lahi namin ang pagiging bolero. Gwapo, oo.”
Napa irap na lamang siya bago kinuha ang sariling cellphone at nag text sa kanyang mama na kasama niya si Oswaldo ngayon at baka gabi na siya makakauwi. Sigurado kasi siyang hindi siya papauwiin ng kanyang tita Ethan nang hindi kumakain nang hapunan.
Ilang sandali lang ay nakatanggap kaagad siya ng reply mula sa kanyang ina.
MAMA: K, nak. Enjoy kayo ng boyfriend mo.
“Sino iyang ka-text mo?” tanong ni Oswald sa kanya.
“Boyfriend ko.” nakangiti niyang usal pero kumunot lamang ang noo nito kaya binawi niya kaagad ang biro. “Si mama, nagpaaalam lang ako na baka gabihin ako sa inyo.”
“Ahhh…” muli itong ngumiti habang tumatango. “Akala ko kung sino na eh.”
“Baliw.” pag dismisa niya rito at saktong dumating rin ang kanilang inorder. Matapos mailapag ang kanilang pagkain sa mesa, ipinaliwanag pa nang serbidora kay Oswaldo ang rules ng unli wings pero parang hindi nakikinig ang kanyang kaibigan dahil isinusuot na nito sa magkabilang kamay ang plastic gloves.
“Ring nyo lang po ang bell kapag need nyo ng refill sa inyong wing, Sir.” litanya ng serbidora bago umalis.
Napangiti na lamang siya nang mabilis itong kumuha ng isang piraso ng pakpak ng manok na balot sa kulay pulang sauce at kumagat doon. “Mmmm… masarap.” anito at nginitian siya.
Kinuha na rin niya ang plastic gloves at isinuot sa kamay at sinimulang kainin ang inorder. Tama nga ito. Masarap nga ang manok. Malasa maging ang laman.
“Masarap nga.” pag segunda niya.
“Sabi ko sa’yo eh.” anito at napapailing na kinuha ang inuming pineapple juice. “Pero ang anghang nitong akin.” reklamo nito sa kanya.
“Natural at spicy ang pinili mong flavor.” natatawa niyang usal habang pinapanood ang kaibigan na simulang ipikit-pikit ang mata sa nararamdamang anghang.
“Sobra naman ata nitong akin at parang ayaw na ipakain.” muli nitong reklamo pero kumagat parin sa hawak na manok at inubos.
Napapailing at natatawa na lamang siya sa reaksyon ni Oswaldo habang pinipigilan nito ang mapaluha sa anghang. Naka ilang refill na ito at balak talaga nitong panindigan ang pangako na lugiin ang establisyemento.
“Whoah ang anghang!”
Kinuha niya ang panyo sa bulsa at pinunasan ang pawis nito sa noo. Tumigil naman ito sa pagkain at hinayaan siya sa ginagawa. Pinunasan na rin niya ang maluha-luha nitong mata na ikinatatawa niya.
“Hoy Oswaldo, tumigil ka na kung hindi mo na kaya ang anghang. Pawis na pawis ka na oh.”
“Isang refill na lang. Ang sarap eh.”
“Bahala ka.” aniya at itinigil ang pagpunas at pinanood na lamang niya ang kaibigan na muling bumalik sa pagkain. Humingi pa ito ng isang refill bago tuluyang tumigil sa pagkain. Pawis na pawis na naman ito at inilalabas ang dila na pulang-pula dahil sa anghang.
“Hindi ko na maramdaman ang bibig ko, Blaine.” daing nito pero napapangiti na rin sa sarili. “Sobrang anghang.”
“Ang takaw mo kasi eh.”
“Punasan mo ulit pawis ko, please.”
Kinuha niyang muli ang kanyang panyo at pinunasan ang gwapong mukha ng matalik na kaibigan. Mula sa mukha nito, pinunasan na rin niya ang leeg nito pababa sa ilang parte ng dibdib nito. Napalunok siya nang mapagtanto ang ginagawa kaya mabilis na binawi ang kamay.
“Salamat.” parang wala lamang rito ang nangyari at nginitian siya. Nagpalamig pa sila nang ilang sandali bago nito tinawag ang waiter at hiningi ang kanilang bill. Ito ang nagbayad niyon. Sa tuwing lumalabas sila, ito naman lagi ang nagbabayad at wala namang problema iyon para kay Oswaldo.
Matapos makapagbayad ay lumabas na rin sila. Isang oras rin silang naglagi sa loob at tawa lang nang tawa ang kanyang ginawa sa hitsura ni Oswaldo.
“Parang ayaw ko na umulit, Blaine.”
“Akala ko ba masarap?”
“Sa umpisa lang pala.”
Napailing na lang siya bago sila muling sumakay sa motorsiklo nito pauwi sa kanilang subdivision. Dumiretso sila sa bahay nila Oswaldo at nang marating sila sa harap ng sa malaking bahay ay inihinto nito ang motorsiklo at iniwan iyon sa harap ng malaking gate bago sila tumungo sa mas maliit na gate. Itinulak lang iyon ni Oswaldo pabukas.
“Ma, nandito po si Blaine!” sigaw ni Oswaldo bago nagpatuloy sa pagbukas ng malaking gate para ipasok nito sa garahe ang motorsiklo.
Pagbukas ng main door ng bahay nila Oswald ay binati siya nang nakangiting mama Ethan nito at nasa likod ang papa Oscar nito.
“Oh, Blaine. Pasok ka.” anyaya nito at nilakihan ang pagkakabukas ng pinto para papasukin siya.
Nginitian niya ang mga magulang ni Oswald at nag mano sa dalawa. “Magandang gabi po, tito at tita.” bati niya sa dalawa. Hinubad niya muna ang sapatos at iniwan iyon sa labas bago tuluyang pumasok.
Napangiti siya dahil ilang buwan na rin siyang hindi nakakapunta doon pero welcome na welcome pa rin siya .
“Nag date ba kayong dalawa at ngayon lang kayo nakauwi.” tanong sa kanya ng kanyang tita Ethan.
Namumula ang mukha niyang umiling. “Hindi po, tita. Sinamahan ko po kasi si Oswald sa practice game nya tapos nagmerienda na rin kami sa labas.”
Tumango-tango lamang ito pero may makahulugang ngiti sa labi. “Hmmm… hindi naman duma-damoves sa iyo ang bunso ko?”
Umiling siyang muli.
“Mahal, parang torpe pa ata ang bunso natin.” natatawa nitong pagkwento sa mister na napapailing na lang rin.
Pumasok na rin si Oswaldo sa loob dala ang kanyang bag. “Ma, pa. Pwede kong ibigay na lang kay Blaine ang iPad ko? Hindi ko naman na rin ginagamit at para hindi na araw-araw dalhin ni Blaine ang kanyang mga libro?” bungad nito sa magulang na ikinalaki ng kanyang mata.
“Kung hindi mo na ginagamit, bakit hindi?” ani ng mama nito.
“Sige, ma.” anito at kinindatan siya pero siya ay parang gusto na lamang magpakain sa lupa sa nararamdamang hiya. “Bihis lang ako sa taas. Gusto mo sumama, Blaine?”
Mas nag init ang kanyang pisngi. “Dito na lang ako, Oswaldo.” aniya kahit na gusto na niya itong panlakihan ng mata. Sobra na siyang nahihiya sa mga magulang nito. Kahit na sabihin pang matalik silang magkaibigan, parang ang sagwa pa rin na nagpapasama si Oswald sa pagbibihis nito.
Tumango lang ito bago umakyat sa kwarto nito. Ipinamana daw iyon sa kanya ng kanyang kuya OJ simula nang bumuklod ito kasama ng kuya Argo nito.
“Sakto at nandito ka, Blaine. Sumabay ka na lang sa amin na maghapunan.” ani tita Ethan niya. “Upo ka. Na-miss kitang bata ka at ang tagal mong hindi nakabisita dito sa amin.”
“Kaya nga po eh.” sang ayon niya. “Oo nga po pala, salamat po dito, tita.” aniya at itinaas ang kaliwang kamay na suot ang bracelet. “Sobrang ganda po nito.”
“Mabuti naman at nagustuhan mo. Kayo kasi ni Oswaldo kaagad ang naisip ko pagkakita ko niyang bracelet na may medyas na design. Lagi kayong magkapares sa lahat ng bagay. Hindi pwedeng mawala ang isa.”
Timid siyang napangiti.
“Maupo ka muna.”
Naupo silang tatlo sa sofa sa sala. Medyo nahihiya pa rin talaga siya sa mga magulang ni Oswaldo.
“Gusto na nga kayong ipakasal nitong misis ko eh. Kung pwede lang.” pagdagdag ng papa ni Oswald na mas lalong nagpapula sa kanyang mukha.
“OSCAR WALDO TORRERO, magdamit ka nga ng ayos!” pagsaway ng mama ni Oswald sa kaibigan kaya napalingon siya at nakita itong pababa ng hagdan na tanging boxers lang ang suot. Nag init ang kanyang pisngi sa naaninag na hindi dapat makita kaya nag iwas siya ng tingin.
“Naiinitan ako, ma.”
“Ibinibilad mo iyang katawan mo. Inaakit mo ba si Blaine?”
Halos masamid siya sa kanyang sariling laway at napaubo sa litanyang iyon ng kanyang tita Ethan.
“Hindi naman iyan maaakit sa akin si Blaine.” ani Oswaldo at lumapit sa mama nito at yumakap.
Kung alam lang sana ni Oswaldo ang katotohanan.
“Ikaw talagang bata ka.” ani na lamang ng mama nito na parang lumambot sa simpleng yakap lamang ng bunso. “Baka naman may ibang tipo o may boyfriend na iyang si Blaine dahil hindi mo pinopormahan.”
“Hindi pwedeng magkaroon ng boyfriend si Blaine, ma. Baka mawala ang atensyon niya sa akin.” tugon ni Oswald at halos malaglag ang kanyang panga sa narinig. Nag init ang kanyang pisngi sa hindi maitagong kilig. Alam niyang ayaw lamang ni Oswaldo na may umagaw sa oras nila bilang magkaibigan pero iba ang dating niyon sa kanyang umaasang damdamin. Maging ang mama Ethan nito ay napanganga rin sa litanya ng anak. “Nalimutan ko iyong iPad kunin ko muna sa itaas.”
Kunot ang noo at napapailing na bumaling sa kanya ang kanyang tita Ethan. “Pagpasensyahan mo na ang isang iyon, Blaine. Kahit na mas matino si Oswald kumpara sa kuya OJ nito. Hindi talaga maitatago na may namana talaga ang mga lalaki ko sa magaling kong mister.”
“Nadamay na naman ako, mahal.”
Napatawa na lamang silang dalawa.
“Ihahanda ko lang ang hapunan natin ah. Papahatid na lang kita kay Oswald.”
“Sige po, tita. Gusto mo po na tumulong ako?”
“Naku, huwag ka nang mag abala pa, Blaine. Kami na ang bahala ng mister ko.” ani tita Ethan niya at tumayo ito at nagpasama sa mister sa kusina.
Hindi niya maiwasang mapangiti habang pinagmamasdan ang mga magulang ni Oswald. Kitang-kita niya na mahal na mahal ng dalawa ang bawat isa. Para sa katulad niyang bakla, isang fairy tale ang makahanap ng isang lalaki na magmamahal sa kanya ng kagaya ng pagmamahalan ng mga magulang ni Oswald.
Pagbaba ni Oswald ay may suot na itong t-shirt at dala na nito ang iPad nito kasama ang charger at accessories niyon. Nakangiti iyong inabot sa kanya.
“Sabi ko sa iyo eh, walang problema kay mama at papa na ibigay ko sa iyo itong iPad ko. Malakas ka kaya sa dalawa.” natatawa nitong usal at naupo sa kanyang tabi. “Hindi ka naman kinulit ni mama na magpakasal sa akin?”
Napangiti siya sa kilig. “Hindi pa naman.”
Napaungot ito at sabay silang napatawang dalawa. Parehong-pareho ang kanilang mga magulang na ipinipilit sila sa isa’t-isa. Handa naman siya, si Oswaldo lang naman ang kanyang hinihintay pero hindi niya iyon kayang isatinig.
“Hali na kayong dalawa dito sa hapag at kakain na tayo. Oswald, ihatid mo si Blaine sa kanila.”
“Okay, ma.”
BUSOG NA BUSOG siya at may pa take-out pang ulam at tinapay galing sa mama ni Oswald nang makalabas sa bahay ng mga Torrero. Kahit na mahina siya kung kumain, hindi niya naiwasang mapakain nang marami sa sarap ng luto ng kanyang tita Ethan. Napapaisip tuloy siya na tanggapin ang utos ng kanyang mama na magpa ampon na lang sa mga Torrero.
Kasalukuyan siyang nakayakap sa likod ni Oswaldo habang tinatahak nila ang daan patungo sa kanilang bahay. Malamig na ang hangin dala ng gabi pero mabuti na lamang at nalalabanan iyon ng init na hatid ng katawan ni Oswaldo. May nag uudyok sa kanya na mas higpitan ang pagkakayakap at idantay ang pisngi sa malapad nitong likod pero nahihigitan iyon ng hiya at pag aalinlangan na nadarama.
“Busog na busog ako.”
Napatawa ito. “Lakas mo nga kumain kanina eh. Akala ko hindi ikaw ang kaharap ko kanina.”
Nag init ang kanyang pisngi sa hiya. Hindi niya kasi talaga napigilan ang kanyang sarili dahil sa sarap ng luto ng mama ni Oswald. Nahihiya siya at baka nagmukha siyang masiba na minsan lang kung manyari.
“Nakakahiya.” anas niya. “Bakit hindi mo man lang ako sinaway.”
Mas lumakas ang tawa nito. “Minsan lang kita makita na ganoon kaya hinayaan na lang kita. Pati nga ata si mama ay nabigla sa iyo. Sobrang hinhin mo pa naman.” anito at parang inaalaska pa siya.
“Ughhh! Nakakahiya kay tita!”
Huminto sila sa harap na ng kanilang bahay. Ayaw man niyang bumitaw sa katawan ni Oswaldo, wala na siyang nagawa kundi ang bumaba mula sa motorsiklo nito. Iniabot nito sa kanya ang bag. Nasa loob na niyon ang ibinigay nitong iPad.
“Salamat nga ulit dito, Oswald.”
“Walang anuman, Blaine.” nakangiti nitong tugon. “Oh siya, uuwi na ako. Susunduin na lang ulit kita bukas ng umaga. Ikumusta mo na lang ako kay tita.” anito.
“Sige. Mag iingat ka ah.”
“Walang kiss?” pang aasar nito.
Napanguso siya habang pinipigil ang kilig. “Tumigil ka nga sa pang aasar mo, Oswaldo. Sige na, alis na at baka maabutan ka pa ng patrol at ma-curfew ka pa.” pagtataboy niya sa kaibigan.
Gusto na niyang umalis ito at baka matukso pa siyang gawin ang inaasar nito sa kanya.
“Hina mo naman. Walang kis-” natigilan ito nang idampi niya ang kanyang labi sa pisngi nito. Saglit lamang iyon pero damang dama niya sa kanyang labi ang lambot at init ng pisngi nito.
Pulang-pula ang kanyang mukha sa realisasyon ng kanyang nagawa habang ito naman ay nabigla rin. Napatakip siya ng kamay sa kanyang labi.
“Sige na, Oswald. Bye. Kita na lang tayo bukas.” nagmamadali niyang paalam bago pumasok sa loob ng kanilang bahay at isinarado ang pinto sa kanyang likod.
Sobrang lakas ng kalabog ng kanyang dibdib na maging sa kanyang tenga ay dinig niya ang kakaibang pagtatambol sa loob ng kanyang sistema. Hindi siya makapaniwalang hinalikan niya si Oswaldo sa pisngi.
Itutuloy…
AUTHOR’S NOTE:
HOW WAS HOY OSWALDO! SO FAR, MGA BIBI? HEHEHE.
DON’T FORGET TO VOTE AND COMMENT. SHARE NYO NA RIN ANG STORY SA MGA FRIEND NYO. HAHAHA.
PART 3
PART 3
Blaine
Gusto ni Blaine magsisigaw sa nararamdamang kilig mula sa nakaw na paghalik sa pisngi ni Oswaldo. Gusto niyang tumalon-talon at hampas-hampasin ang kanyang mga unan pero hindi niya magawa dahil gabi na at natutulog na ang kanyang ina. Ayaw niya itong mabulabog. Hindi siya makatulog sa kaiisip sa nangyari kanina. Hindi niya rin mawari kung ano ang pumasok sa kanyang isip at nagawa niya iyon.
Marami rin siyang katanungan sa kanyang isip gaya na lang ng kung ano kaya ang iniisip ni Oswaldo nang mangyari iyon at kung ano ang mangyayari sa kanilang dalawa bukas. Ipinapanalangin niya na sana ay hindi maapektuhan nang nangyari ang kanilang pagkakaibigan.
Mariin siyang napapikit at mahigpit na nilamukos sa kamay ang sapin ng kanyang higaan. Wala talaga siyang mapagsidlan ng kilig at dahil hindi siya makatulog ay kinuha niya ang ipinahiram nitong iPad. Binati siya ng lockscreen nito na larawan ng pamilya Torrero pero ang kanyang mata ay nakapokus sa gwapong mukha ng kanyang kaibigan na malawak ang ngiti sa labi.
Tinipa niya ang password niyon at larawan nilang dalawa ang wallpaper ng iPad nito. Noong nakaraang taon pa nakunan iyon at tandang-tanda pa niya ang bawat kaganapan nang sandaling iyon.
Championship game iyon at tie ang puntos ng kuponan ng kanilang school at ang mortal na karibal nilang paaralan. Dahil lagpas na sa overtime at pantay ang puntos ng dalawang team. Kailangan nilang sumailalim sa Penalty shoot-out. Limang kickers mula sa bawat kuponan ang sisipa ng bola at kailangan nilang makapuntos laban sa goalkeeper ng kalabang kuponan. Parehong naka-tatlong ang bawat team at si Oswaldo ang magdedesisyon kung maiuuwi ba nilang muli ang kampeonato sa kanilang paaralan.
Malinaw at naaalala pa niya ang kaba habang pinapanood ang kaibigan na pumwesto upang sipain ang bola. Halos lahat sila ay nasa dulo ng kanilang mga upuan. Pakiramdam niya ay para siyang nasa pelikula dahil bumagal ang lahat, tumahimik ang buong kapaligiran, tanging ang pagkalabog ng kanyang dibdib ang namumutawing tunog, at ang lahat ng mga mata sa loob ng open field ng kanilang paaralan ay nakatutok sa kanyang kaibigan. Sigurado siyang ibayong kaba at pressure ang dala niyon kay Oswaldo.
Napalunok pa siya nang sipain nito ang bola at nanlalaki at maluha-luhang pinanood ang bola na unti-unting lumipad patungo sa dulo ng goal line bago iyon pumasok at tumama sa net.
Sabay-sabay na umusbong ang hiyawan at palakpakan mula sa kanilang mga school mate. Maging siya ay napatalon sa saya at napasigaw sa kung gaano siya ka-proud para sa kanyang matalik na kaibigan. Naluluha at masaya niyang pinanood ito na dumugin ng mga kakampi nito pero ang hindi niya inaasahan ay ang pagkawala nito mula sa kumpulan at tumatakbong lumapit sa kanya at mahigpit siyang niyakap.
“Nanalo kami Blaine!” masaya nitong ani habang patuloy sa pagyakap sa kanya at wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang yakapin ito pabalik. Hindi na niya ininda na naliligo ito sa pawis. Nang mga sandaling iyon, sa kanyang isip, sila lamang ni Oswaldo ang naroroon.
“Pwede ko bang kunan nang litrato ang ating MVP?” napatigil sila sa pagyayakapan nang sumingit ang school photographer nila para sa kanilang publication.
Nahihiya siyang gumilid pero hinila siya ni Oswald at inakbayan. “Kunan mo kami ng litrato, please.” anito na nginitian naman ng kanilang senior.
“Sure, MVP!”
Ngumiti si Oswaldo at maging siya na nahihiya ay ngumiti na lang rin. Ang larawan nilang iyon ang ginamit ng kanilang school newspaper at nasa frontpage pa talaga. Hindi niya akalain na binigyan pala si Oswald ng malinaw na kopya ng larawan na iyon.
Nag log in siya sa Facebook app at tiningnan ang ilan sa mga notification na natanggap. Bilang lamang iyon dahil wala naman siyang masyadong kaibigan sa FB.
Oscar Waldo Torrero tagged you in a post.
Ethan James Torrero commented on a post you are tagged in.
Ethan James Torrero reacted to a post you are tagged in.
Mabilis niyang tiningnan ang ipinost ng kaibigan na marami na ang likes at reactions. Napangiti siya dahil larawan nila iyong dalawa sa WING STOP. Walang caption dahil hindi naman naglalagay si Oswaldo ng ganoon, puro shared post ng mga football player ang laman ng Facebook nito at ilang mga uploaded at tagged na mga larawan at karamihan doon ay sa Mama Ethan nito galing.
Ethan James Torrero: Bagay! Pwede na maging mag-boyfriend ang mag-best friend.
Namula ang kanyang pisngi. Sigurado siyang may schoolmate o kaklase silang nakabasa sa komentong iyon ng mama Ethan ni Oswaldo. Napa-singhay siya. Kung ganoon lamang sana kadali iyon. Na isang araw maging boyfriend na niya si Oswaldo. Alam niyang malabo pero kung darating man ang araw na iyon. Magiging sobrang saya niya. Wala na siyang ibang kilalang lalaki na kasing bait, maalaga, at maalahanin kagaya nito.
Niyakap niya ang iPad na hawak. Bagong-bago pa iyon dahil kagaya nga ng sinabi ni Oswaldo, hindi nito iyon napapansin at ginagamit. Ipinangako niya sa kanyang sarili na iingatan niya iyon kagaya nang pag iingat niya sa kanilang pagkakaibigan.
Ilang sandali siyang nagmuni-muni bago pinatay ang iPad at maingat na inilagay sa lamesa sa tabi ng kanyang higaan. Nakangiti siyang nakatulog.
“Blaine! Nandito na ang boyfriend mo!” rinig niyang sigaw ng kanyang ina. “Puntahan mo na lang siya sa kwarto niya, Oswald. Late na nagising iyang si Blaine ngayong umaga.”
“Sige po, tita.” rinig niyang tugon ni Oswaldo. Ilang sandali lang at bumukas na ang pinto ng kanyang kwarto at bumungad doon ang matangkad na pigura ng kaibigan. Nakangiti ito at sobrang gwapo nito sa suot na PE uniform.
“Pasok ka. Malapit na akong matapos dito.” aniya at tumalikod para kunin ang kanyang sapatos at para na rin itago ang kanyang namumulang mukha. Lihim siyang nagpapasalamat at parang wala lamang para rito ang ginawa niyang paghalik sa pisngi nito.
“Napuyat ka siguro kakanood sa iPad, ano?” tanong nito at ibinaba ang bagpack nitong dala at nahiga sa kanyang higaan. Kinuha pa nito ang kanyang unan at inilagay iyon sa braso bago patagilid na nahiga.
“Baka magusot ang suot mo.” paalala niya rito.
Kung alam lang nito ang tunay na rason kung bakit hindi siya makatulog kagabi.
“Inaantok rin ako ngayon.” anito at sumakto na naghikab pa. “Kung pwede lang sana makitulog dito sa higaan mo ngayon.”
“Buong magdamag ka na naman sigurong naglaro sa computer.” may halong sermon niyang usal.
Hindi ito tumugon at pumikit lang. Napapailing siyang nagsuot ng kanyang medyas at sapatos. PE day ng klase nila ngayon kaya pareho silang naka uniform. T-shirt at jogging pants tapos running shoes. Branded lang ang kay Oswaldo na sapatos habang ang kanya naman ay bili sa ukay-ukay.
Nagsuklay siya sandali at nagpabango bago inayos ang kanyang mga dadalhing gamit.
Malalim ang paghinga at nakatulog na si Oswaldo sa kanyang higaan nang matapos siya sa pagliligpit ng kanyang gamit. Nakangiti niya itong pinagmasdan. Napakapayapa ng gwapo nitong mukha habang natutulog. Hindi niya alam kung ano ang pinaggagawa nito kagabi at inaantok ito ngayon.
Tiningnan niya ang kanyang relo para tingnan ang oras. Binigyan pa niya itong makaidlip ng sampung minuto bago ito ginising. Tinapik-tapik niya ito sa balikat. “Oswaldo… Oswaldo…”
Napa ungot ito bag nagdilat ng mata. “Matulog na lang tayo dito sa kwarto mo, Blaine.” nakangiti nitong ani at hinawakan siya sa braso.
Pinamulahan siya. “Baliw! Male-late na tayo.”
“Ughh!” muli nitong ungot pero pinakawalan na rin siya at tumayo. Muli nitong dinampot ang inilapag na bag at sumunod sa kanya palabas.
Napakunot ang kanyang noo nang makita ang kanyang mama na may makahulugang ngiti sa labi at nakataas ang isang kilay na animo’y nagsasabing: “Anong ginawa niyo sa loob ng kwarto nyo at bakit natagalan kayo?”
“Aalis na kami, ma. Bye-bye po.” aniya bago humalik sa pisngi nito.
Nakangiti pa rin ito sa kanya. “Mag iingat kayong dalawa ah. Dumiretso sa eskwelahan at huwag sa kung saan-saan.” makahulugan nitong usal.
“Mama!” namumula ang mukha at nanlalaki ang mata sa gulat na usal habang si Oswaldo naman ay tumawa lang sa kanyang likod.
“Sige na po. Mauna na kami, ma.” paalam niya sa ina bago nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay. May bente minutos pa sila para gugulin sa daan patungo sa kanilang pinapasukang paaralan at sapat iyon. Hindi pa sila huli.
Pag labas ni Oswald ay tumatawa pa rin ito. “Salamat nga pala Blaine at pina idlip mo ako sa higaan mo. kahit papaano ay medyo nawala ang antok ko.”
“Walang anuman. Bakit ka nga pala napuyat?” tanong niya habang isinusuot ang helmet sa kanyang ulo.
“Ewan ko nga eh. Hindi lang talaga ako makatulog kagabi.” tipid nitong sagot bago sumakay sa motorsiklo nito at sumunod siya. Yumakap siya sa katawan nito ngunit may panirang bag sa kanilang pagitan. “May baon nga pala akong pagkain. Hati na lang tayo mamaya.”
“Luto ni tita?” galak niyang tanong.
“Oo. Masarap ito kasi nag request ako kay mama kagabi.” masaya nitong tugon.
“Yes!”
“Ayos ka na?”
“Oo.”
Iyon lang at sinimulan na nitong patakbuhin ang motorsiklo at ilang sandali lang rin ay nakarating na sila sa kanilang eskwelahan at may limang minuto pa sila bago ang kanilang homeroom.
Mabagal na lumipas ang oras sa loob ng kanilang eskwelahan. Walang naging iba ang araw na iyon sa mga nakaraang araw at ang nagpapa-espesyal lang niyon ay si Oswaldo at ang mga sandali na kasama niya ito sa canteen o di kaya naman ay sa abandonadong gusali na kanilang tinatambayan.
“Pst… Blaine.”
Nilingon niya ito. Inaantok siya habang nakikinig sa mga kaklase nilang nagrereport sa harap dahil wala ang kanilang teacher sa History. May substitute teacher sila pero parang nandoon lamang iyon para may magbantay sa kanilang klase.
“Ano?” mahina niyang tanong.
“Sino pumatay kay Lapu-Lapu?”
Napakunot ang kanyang noo. “May pumatay ba sa kanya? Hindi naman iyon nabanggit ng reporter.”
“Si Miya.”
Habang kunot na kunot ang kanyang noo sa pagkalito dahil sa isinagot nito. Tawang-tawa naman ito sa sarili nitong biro. Pinipigil lamang nitong mapahagalpak ng tawa at baka mahuli sila.
“Baliw ka na talaga Oswaldo.” napapailing niyang usal pero napapangiti na rin. “Makinig ka na nga lang sa nagre-report at baka mahuli ka pang tumatawa.”
Sumunod naman ito sa kanya at nang humupa ang tawa nito ay nakinig na ito sa mga reporter at matapos ang subject na iyon ay lunch break na nila. Medyo inaabangan niya ang oras na iyon dahil na rin sa baon nito na luto ng kanyang tita Ethan.
“The best talaga ang luto ng mama mo.” puri niya habang nagsasalo sa napakarami nitong baon na ulam. Iba-iba. Lahat ay putaheng pinoy. Pareho sila nito ng paborito at iyon ang afritada. “Buti at hindi kayo tumataba na pamilya.”
“Kung hindi nga ako siguro nagfo-football baka tumaba na ako sa pagkain sa bahay.” natatawa nitong usal.
“Naku kung tumaba ka Oswaldo. Hindi kita masisisi. Masarap lagi inuulam nyo eh. May baked goods pa ang mama mo.”
“Ayos na ako sa katawan ko. Kapag tumaba ako baka hindi ka na maka-angkas at makayakap sa akin.” kaswal nitong usal na siya namang naging mitsa ng pag iinit ng kanyang pisngi. ”… sa motorsiklo ah.” pahabol nito.
“Baliw. Aangkas pa rin ako sa iyo.”
“Sa akin ka lang aangkas.”
Napairap siya sa kilig. Wala naman na siyang pinagkakatiwalan sa pagpapatakbo ng motorsiklo kung hindi ito lamang kaya kay Oswaldo lang siya aangkas.
“Oo naman.”
“Oh ito, kain ka pa.” anito at inilagay sa kanyang plato ang huling piraso ng lumpia. “Wala kaming practice mamaya. Saan mo gusto pumunta mamayang hapon?”
“Ikaw na bahala. Ikaw naman manlilibre eh.”
“Para mo na akong sugar daddy nito.” tumatawa nitong usal.
Napangiti siya. Kahit daddy na lang, okay na siya. Plus na lang talaga na mayaman ang pamilya ni Oswaldo kaso hindi niya nakikita ang kaibigan na ipagpapatuloy iyon. Wala itong interes sa pagpapatakbo ng negosyo. Bata pa lang sila ay desidido na ito na maging propesyonal na football player at susuportahan niya ito sa pangarap nitong iyon.
“Magka edad lang kaya tayo.” depensa niya.
“Mas matanda ako sa iyo ng dalawang buwan.” ganti nito.
“Kailan ang birthday ko?” tanong niya.
“August 03.” mabilis nitong tugon.
Tinago niya ang nararamdamang kilig. Napakaliit lamang iyon na bagay para sa iba pero hindi para sa kanya. Ibang saya at init sa kanyang dibdib ang dala niyon. Nakakataba ng puso na isiping tanda ni Oswaldo ang kanyang kaarawan.
“Oh diba, tanda ko.” nakangiti nitong usal.
Inirapan niya na lamang ito at nakangiting bumalik sa pagkain. Naiinis siya kay Oswaldo dahil mas lumalalim ang paghanga niya dito sa bawat araw na lumilipas. Natatakot siya na baka sa susunod, hindi na lamang basta matalik na kaibigan ang maging tingin niya dito.
Sa palengke kung saan madami ang nagtitinda ng streetfood at kung anu ano ang kanilang binagsakan matapos ang kanilang PE class. Hindi na sila nagbihis dahil sa loob ng gym lang naman sila nag laro ng dodge ball, hindi sila masyadong pinawisan.
“Kapag binaligtad mo ang siomai, anong mangyayari?” tanong nito habang naglalakad-lakad sila sa mataong palengke. May hawak silang samalamig at cup ng siomai sa magkabila nilang kamay.
“Aimois?” nagdadalawang isip niyang tugon.
“Mali. Matatapon.” anito at tumawa.
“Ang korni!” natatawa niyang usal. “Humanap ka na lang ng mauupuan natin.”
“Doon na lang tayo oh.” anito at sinundan niya ito patungo sa isang stall na nagtitinda ng ihaw-ihaw. “Tatlo pong betamax. Anong gusto mo, Blaine?”
“Ikaw.” mabilis niyang tugon sa kanyang isip pero huli na nang mapagtanto niya na naibigkas niya pala iyon ng malakas. “Ummm… ikaw na lang bahala.”
“Sige, bale anim po na betamax.”
Tiningnan sila ng matandang nagtitinda. Napangiti ito habang nakatingin kay Oswaldo. “May kamukha ka, iho. Kasing gwapo mo rin. Suki ko noon at kagaya mo may dinadala rin itong nobyo.”
Namula ang kanyang pisngi.
“Hindi po kami mag boyfriend, ale.” pag tanggi niya. Hindi pa po.
“Mali. Kapatid nya nga pala iyon.” ani ng matandang babae. “Sobrang layo kasi ng hitsura nila sa isa’t - isa.”
“Ang mga kuya ko po ang tinutukoy nyo siguro. Ale.” pag tugon ni Oswaldo.
“Baka nga. Pero parang mas gwapo ka sa kuya mo.”
“Oo naman po.” mayabang na tugon ni Oswaldo na ikinailing niya sa kanyang isip. “Gawin nyo na pong sampung stick ang betamax.” dagdag nito bago siya niyayang maupo sa upuan.
Nang makaupo sila sa pangdalawahang upuan ay inilapag nila ang mga dalang pagkain at inumin sa lamesa sa kanilang harap. “Alam mo ba na paborito ni kuya Argo ang betamax bago bumalik ang cancer nito at sa sobrang pagkahilig nito sa betamax, iyon din ang ipinangalan nila sa unang pet ng pamilya namin.”
Napangiti siya dahil hanggang ngayon ay may larawan pa rin ang aso nilang iyon sa bahay ng mga Torrero. Alam niya ang kuwentong iyon dahil makailang ulit na iyong nabanggit sa kanya ni Oswaldo maging ng mama Ethan nito.
“Buti at hindi ka pinagbabawalan ng mama at papa mo na kumain ng betamax.” aniya at uminom sa walang lasang samalamig pero may gulaman at sago naman kaya ayos na rin para sa sampung piso kada baso.
“Hindi naman malalaman ni mama eh.” natatawa nitong usal.
“Lagot ka kay tita Ethan kapag nalaman niya ito.”
“Isusumbong rin kita na ninakawan mo ako ng halik kagabi.” balik nito sa kanya na nagpabalik sa lahat ng hiya at gulat na naramdaman niya kagabi. Nag iinit ang pisngi niya itong pinanlakihan ng mata.
“Oswaldo!” pagsaway niya dito pero tinawanan lamang siya nito. “Hindi kita isusumbong kay tita Ethan.”
“Isusumbong pa rin kita.” pang aasar nito.
“Nakaka inis ka!”
“Lagot ka kay mama. Mahinhin pa naman pagkakakilala niya sa iyo tapos malalaman niya na ninakawan mo ako ng halik.” dagdag nito. Tuwang-tuwa sa kung papaano mamula na parang hinog na kamatis ang buong mukha niya sa hiya.
“Ewan ko sa iyo. Ikaw naman nag request niyon eh.”
Napaisip ito. “Oo nga no. Pero biro lang iyong akin eh sa iyo, tinotoo mo.”
“Ewan ko sa iyo, Oswaldo.” aniya at kinain na lang ang dalang siomai na kapag binaliktad daw ay matatapon ayon kay Oswaldo na sa ngayon ay gusto niyang sundutin ng toothpick sa tagiliran sa pang aasar sa kanya.
Ilang sandali lang ay dumating na ang binili nitong betamax at iyon ang kanilang pinagsaluhan na isinawsaw nila sa suka na may maraming sibuyas, bawang at sili. Pinarisan nila iyon ng coke at solb na solb sila hanggang matapos.
Muli niyang pinunasan ang pawis nito dahil sarap na sarap ito sa pagkain ng mainit na betamax at maanghang na sawasawan. “Kaya naman pala naadik ang kuya Argo ko dito.” anito.
“Pero maghinay-hinay ka ah.” paalala niya. Nabanggit kasi iyon sa kanilang health class na masama ang carcinogens na nakukuha sa mga ihaw-ihaw.
“Malakas kaya resistensya ko.” anito bago kinain ang huling piraso ng betamax. Hihirit pa sana ito ng ilang stick kaso pinigilan niya. Nagbayad na lamang ito sa matandang tindera na nagpakilala bilang “Aling Nena.”
Para bahagyang magpatunaw ng kinain, naglakad-lakad sila sa palengke at tumingin-tingin. Wala naman silang nabili. Ala singko nang mapagdesisyunan nilang umuwi kaya muli siyang umangkas sa motorsiklo nito at inihatid siya sa harap ng kanilang bahay.
“Maraming salamat, Oswaldo ah. Bukas ulit.”
“Oo naman. Hindi pwedeng hindi tayo mag merienda sa labas bukas.” nakangiti nitong ani habang siya ay kinikilig na nakatayo sa tabi ng motorsiklo nito.
“Sige, mag iingat ka ah. Salamat ulit.” aniya at akmang tatalikod na upang pumasok sa kanilang bahay nang asarin na naman siya nito.
“Walang kiss?”
“Wala. Baka gamitin mo na naman iyong pang-blackmail sa akin.” halo-halo ang emosyon niyang usal pero namumutawi doon ang kilig.
Tumawa ito.
“Sige na. Uwi ka na.” pagtataboy niya dito.
“Sandali lang. May sasabihin nga pala ako sa’yo.” anito pero may pilyong ngiti sa labi. Medyo nagduda siya kaya napakunot ang kanyang noo.
“Baka panibagong korni na joke na naman iyan ah.”
Nakangiti itong umiling. “Hindi. Pramis. Lapit ka sa akin ng kaunti.” anito kaya sinunod niya ito at lumapit siya rito.
Ganoon na lamang ang pagkabigla niya nang ilapit nito ang mukha sa kanyang mukha at hinalikan siya sa pisngi. Kagaya ng ginawa niya kagabi, saglit lamang na dumampi ang malambot nitong labi sa kanyang pisngi pero damang dama niya ang init na iniwan niyon sa kanyang balat. “Ngayon, quits na tayo.” nakangiti nitong ani at kinindatan pa siya bago nito pinatakbo ang motorsiklo.
Naiwan siya sa harap ng kanilang bahay na gulat na gulat. Hinalikan siya ni Oswaldo! Hinalikan siya ng kanyang hinahangaang lalaki. Mula sa gulat ay nabuo ang isang matamis na ngiti sa kanyang labi.
Itutuloy…
Wahhh! Sabay sabay tayong sumigaw ng “OSWALDO PA-FALL!”
Votes and comments are highly appreciated. ❤️ See you next update. ✨
PART 4
PART 4
Blaine
“Ngayon, quits na tayo.”
Paulit-ulit na rumirehistro sa kanyang isip ang ginawang paghalik sa kanyang pisngi ni Oswaldo at hindi siya makatulog dahil doon. Kinakain siya ng kilig na nararamdaman. Ito na ang ikalawang gabi na hindi siya nakakatulog sa tamang oras at dahil iyon kay Oswaldo. Kung alam lamang sana ng kanyang kaibigan ang tindi ng epekto ng simpleng paghalik nito sa kanya ngayon.
Tumagilid siya nang higa at sinipat ang oras sa tabi ng kanyang higaan. 12:30. Lagpas hating gabi na pero hindi pa siya inaantok. Ayos lang rin naman kung tanghali na siyang magising bukas dahil Sabado bukas, hindi niya kailangang magmadali para makapasok sa eskwelahan.
“Nakakainis ka Oswaldo!” usal niya sa isip. Kanina pa may hindi matanggal na ngiti sa kanyang labi. Maging ang kanyang ina habang kumakain sila ng hapunan ay napansin iyon. Tinanong pa nga siya nito kung ano o sino ang rason at parang kilig na kilig siya. Hindi siya sumagot at hindi na rin ito nag usisa pa pero may kutob daw ito kung sino.
Isinubsob niya ang mukha sa unan. Para na siyang mababaliw sa kanyang higaan dahil sa damping paghalik na iyon na iginawad sa kanyang pisngi ni Oswaldo samantalang sigurado siyang masarap na ang tulog nito ngayon. Napabuntong hininga siya bago muling tumihaya ng higa. Kasalanan niya rin naman at nagkagusto siya sa kanyang matalik na kaibigan.
Noon, niyayakap at hinahawakan nito ang kanyang kamay at wala lamang iyon para sa kanya. Pero ngayon? Simpleng pag akbay lamang na madalas nitong gawin ay pinamumulahan na siya ng pisngi sa kilig. Halos hindi na nga niya matandaan kung kailan ba nagsimula ang pagkakagusto niya kay Oswaldo. Ang alam niya, nagising na lamang siya isang araw at parang nagkakarera na ang kanyang dibdib sa tuwing masisilayan ang gwapo nitong mukha, tuwing naaamoy ang banayad nitong pabango, at tuwing naririnig niya ang walang pagpipigil nitong tawa.
Bakit nga ba sa dinami-rami ng lalaki sa mundo ay kay Oswaldo pa siya nahulog? Bakit kailangang sa pinaka matalik pa niyang kaibigan? Kung alam niya lamang sana ang sagot sa mga katanungang iyon. Napahikab siya nang maramdaman ang kanina pa hinihintay na antok. Biglang bumigat ang talukap ng kanyang mga mata at hindi na niya nilabanan pa ang antok. Ipinikit niya ang mata at natulog. Gigising pa siya bukas para muling umasa na magiging sila ni Oswald.
“Blaine!”
“Mmmmm?”
“Blaine, anak.” ang banayad na boses na iyon ng kanyang mama ang narinig niya mula sa harap ng kanyang kwarto. Medyo nagising ang kanyang diwa dahil doon pero sobrang komportable pa siya sa kanyang higaan at hindi niya magawang bumangon. “Nandito si Oswald. Magde-date daw kayo.”
Nasundan iyon ng pagtawa ni Oswald.
Bigla siyang napamulat ng mga mata at mabilis na napabangon sa narinig. Nakaramdam siya ng pagkahilo dahil doon pero alerto na ang kanyang isip nang banggitin ng mama niya ang pangalan ni Oswaldo.
“Pasukin mo na lang sa loob, Oswald. Tulog pa siguro si Blaine.”
“Sige po, tita.”
Nagmamadali niyang sinuklay ang buhok gamit ang kamay at saktong pagbukas ng kanyang pinto at iniluwa niyon si Oswaldo. Basa pa ang buhok nito na magulo ang pagkakaayos dahil siguro sa hangin nang sumakay ito sa motorsiklo. Nakasuot rin ito ng complete soccer uniform mula sa tshirt, shorts, medyas na hanggang ilalim ng tuhod at ang Nike soccer shoes nito.
Mablis na namula ang kanyang pisngi. Napaka-gwapo nito at ito pa talaga ang unang-unang bumungad sa kanya sa umaga. Hindi siya nagrereklamo pero sana naman nakapag handa siya.
“Samahan mo ako, Blaine. May friendly game kami ngayon laban sa ibang school.” nakangiti nitong bungad at lumapit sa kanya. Amoy niya ang cologne nito na kinikiliti ang kanyang ilong sa pamilyaridad niyon.
“Huh? Anong oras. Hindi pa ako nakakaligo.” aniya at tumingin sa orasan sa tabi ng kanyang higaan. 8:02 na nang umaga. “Bakit hindi mo sa akin sinabi nang maaga. Hindi tuloy ako nakapag handa.”
“9:00 pa ang simula.” tugon nito at sumampa sa kanyang higaan. Humarap ito sa kanya bago tumawa. “Nakalimutan ko sa iyong sabihin kahapon. May isang oras ka pa naman para maligo.”
“Oh sige, bibilisan ko na lang.” aniya at tumayo. Kinuha niya kaagad ang kanyang towel. “Bumangon ka nga diyan. Nakabihis ka na at baka mag amoy higaan ka pa.”
Umiling ito at kinuha ang kanyang unan. Inilapit iyon sa ilong na ikinalaki ng kanyang mga mata. “Hindi naman. Ang bango nga ng higaan mo eh.”
“Baliw.” aniya na lamang habang nag iinit ang pisngi. “Sa sala ka na lang maghintay.”
“Gusto mo sabayan kita sa paliligo para mabilis?” may nakakalokong ngiti sa labi nitong usal at kinindatan pa siya.
Mas lalong nag init ang kanyang pisngi at nararamdaman niya iyong kumalat sa kanyang buong mukha. Hindi na niya kinakaya ang mga hirit ni Oswaldo. “Hoy Oswaldo! Anong pinagsasabi mo diyan?”
“Sasabayan kita sa paliligo. Nagsasabay naman tayo noon diba.”
“Ughhh!” napairap siya. Totoo naman iyon pero iba na ngayon. Baka hindi lamang paliligo ang mangyari sa kanila. “Dati iyon at hinding-hindi ako magpapasabay sa iyong maligo. Diyan ka na nga lang at maliligo na ako.” aniya at tinalikuran ito na tumatawa.
May ganoon ba? Sabay maliligo pero as a friend? Walang malisya. Pero papaano kapag nakita niya ang ‘ano’ ni Oswaldo? Napailing siya. Nahiya siya sa kanyang pinag iisip at kasalanan iyong lahat ni Oswaldo.
“Aga nyo namang nag away ni Oswald, anak. Para kayong mag asawa.”
“Mama naman!” reklamo niya bago pumasok sa kanilang paliguan at naligo. Mabilisang pagsabon at shampoo sabay sepilyo at mugmog ng mouthwash.
Humarap siya sa salamin at tiningnan ang ngipin. Itinapat niya rin ang palad sa bibig bago bumuga para amuyin ang kanyang hininga. Okay. Pwede na siyang humarap kay Oswaldo nang hindi nahihiya.
Itinapis niya ang towel sa palibot ng kanyang dibdib at nagmamadaling pumasok sa kanyang kwarto. Nakahiga pa rin sa kanyang higaan si Oswaldo, nakatihaya at nilalaro ang selpon nang mapalingon ito sa kanya.
Napangiti ito. “May dede ka?” tanong nito bago tumawa nang malakas.
“Ughh! Lumabas ka nga doon. Hindi ko ibibilad sa harap mo ang katawan ko oy!” aniya at kinuha ang unan bago iyon ibinato sa kaibigan. “Labas na muna at magbibihis pa ako.”
“Nakalimutan ko. Babae ka nga pala.” natatawa nitong usal bago bumangon na rin. Pinasadahan pa siya nito nang tingin mula ulo hangang sa kanyang binti. “Witwew.” pagsipol nito bago lumabas at isinarado ang pinto.
Muli siyang napailing at nagbihis. Simpleng t-shirt, short at sapatos lang rin ang kanyang isinuot dahil sigurado siyang sa isang parke o di kaya naman sa school field sila pupunta. Nagsuklay siya at nagpabango bago kinuha ang maliit niyang bag at inilagay doon ang wallet na barya lang ang laman at ang cellphone niyang madalas mag hang.
Paglabas niya sa kanyang kwarto ay naabutan niya si Oswaldo na kausap ang kanyang mama. May paperbag rin sa kanilang lamesa at pamilyar na iyon sa kanya. May dalang pagkain ang kaibigan mula sa mama nito.
“Sabihin mo sa mama mo Oswald, salamat ah. Hindi na ako magluluto mamaya sa dami nitong dala mo.” anas ng kanyang mama habang isa-isang inilalabas ang tupperware na may lamang ulam. “Blaine, mag almusal ka muna bago kayo umalis.”
“Hindi na ma at male-late na si Oswaldo sa laro nila.” pagtanggi niya.
“May baon rin po akong pagkain para kay Blaine, tita. Huwag po kayong mag alala.” pagdagdag ni Oswaldo na ikinatango ng kanyang mama.
“Sige, mag ingat kayong dalawa ah.”
“Bye, ma.” aniya at lumapit sa ina para humalik sa pisngi nito. “Alis na kami ni Oswaldo.”
“Bye, tita.”
Pag labas nila sa kanilang bahay ay sumalubong sa kanya ang motorsiklo ng kaibigan. May paperbag ng Torrero Filipino Restaurant na tatak ang nakasabit sa handle ng motor at nandoon din ang bag nito.
“Saan mo gusto mag almusal?” tanong nito habang kinukuha ang kanilang mga helmet. Napataas ang kanyang kilay dahil 8:30 na at may laro pa ito mamayang alas nueve.
“Huh? Akala ko ba may laro ka pa?”
Nginitian siya nito. “Mamaya pa iyong hapon. Wala akong gagawin sa bahay kaya naisipan kong yayain ka na lang muna na gumala. Ayoko ring sumama kay Mama at Papa na pumunta kela kuya OJ at kuya Argo kaya nagsinungaling ako kay Mama.” pagkukwento nito.
“Nag uniporme ka pa talaga.”
“Para makumbinse si mama na hindi ako pasamahin.” nakangiti nitong usal.
“Lagot ka talaga kay tita kapag nalaman niya ito.” natatawa na lang rin niyang usal bago inabot ang half-helmet at isinuot iyon sa sarili.
“Hindi iyon magagalit. Mahal na mahal ako ni mama.”
Napangiti siya. Spoiled talaga ito bilang bunso sa mga magulang pero alam niyang hindi ito gumagawa ng ikagagalit ng magulang nito lalo na ng mama Ethan nito.
“Hmmm… Theme Park tayo?” tanong nito na ikinalapad ng kanyang ngiti.
“Ikaw taya.”
“Ako nagyaya kaya ako ang taya.”
Nagkangitian na lamang silang dalawa.
“Sakay na.” anito at sumampa sa motorsiklo. Sumunod siya at yumakap sa bewang ng kaibigan. Dumaan muna sila sa isang fast food chain kung saan kumain sila ng almusal at nagbihis na rin ito doon bago sila dumiretso sa pinaka malapit na amusement park.
Ipinarada muna nito ang motorsiklo bago sila sabay na nagpunta sa entrance at bumili ng ticket. Ride-all-you-can ang pinili nito para sa kanilang dalawa kaya nilagyan sila ng armband na kulay yellow para doon.
“Picture muna tayong dalawa.” anito bago kinuha ang cellphone sa bulsa at kumuha ng selfie nilang dalawa habang ang background ay ang malaking pangalan ng amusement park. “Hindi ko muna ito iu-upload at baka mahuli tayong dalawa.”
“Oo naman. Baka pati ako madamay.” aniya.
“Edi dalawa na tayong lagot.” hinawakan siya nito sa kamay. “Doon tayo sa bumper cars.”
Napakagat siya sa kanyang labi. Nag iinit ang kanyang kamay na hawak nito. Para silang mag nobyo na nasa kanilang date. Namumula ang mukha sa kilig siyang tumango at nagpatianod patungo sa bumper car. Maikli lang ang pila at karamihan ay mga bata at teenagers na kagaya nila.
Habang hinihintay na matapos ang mga naunang batch ay tinatanong na sila ng nagbabantay sa rides kung magsasabay ba sila o tig isa sila. “Sabay na lang po kami.” si Oswaldo na ang tumugon.
Tumango lamang ang lalaki bago sila nilaktawan.
“Papakitaan kita Blaine kung papaano mambunggo. Angkas lang muna ulit ah o baka gusto mo ikaw ang mag drive?”
Umiling siya. “Ikaw na lang. Hindi ako marunong magpatakbo niyan, Oswaldo at para kapag may magalit ikaw ang haharap.” natatawa niyang usal.
“Wala iyan. Tingnan mo.”
Natapos na ang naunang batch sa kanila at sila na ang sumunod. Pumunta sila sa loob at pumili ng masasakyang bumper car. Ito ang nasa manibela at katabi siya nito. In-assist sila ng mga nagbabantay sa ride at ipinasuot ang kanilang seatbelt.
Nang magsimula ang ride ay kinakabahan siya nang una pero nang magsimula nang magbungguan ang sinasakyan nila sa iba pang mga sasakyan ay tawa na lamang siya nang tawa lalo na nang may puntiryahin si Oswaldo na dalawang teenager rin. Mag jowa. Nakikita niyang natutuwa rin ang dalawa kahit na halos magulo na ang buhok ng babae sa impact.
“Baliw ka talaga Oswaldo!” tumatawa niyang usal nang makalabas. “Sobrang nagulo ang buhok ng babae sa pinaggagawa mo.”
“Binully rin ako dati ni Kuya OJ sa rides na iyon kaya gumaganti lang ako.” anito.
“Buti na lang talaga at nakisakay na lang ako sa iyo dahil siguradong ako ang pupuntiryahin mo.”
Umiling ito. “Hindi uy. Malakas ka kaya sa akin kaya hindi ko gagawin iyon.” anito sabay kindat.
Napangiti siya. “Hindi ako naniniwala.”
Marami pa silang sinakyan na rides. Sunod-sunod at parang walang gustong laktawan si Oswaldo. Nagsimula sila sa mga mild rides hanggang sa naging palala nang palala ang kanilang sinakyan. Hindi siya nagdalawang isip na humindi. Isa sa rason kung bakit sobrang tibay ng kanilang pagkakaibigan ay dahil sinusubok nila nang sabay ang bawat bagay.
Natatakot siya sa roller coaster pero hinawakan lamang nito ang kanyang kamay at nagkalakas na siya nang loob. Puro tili nga lamang ang kanyang ginawa habang nakasakay sa makalaglag puso na ride habang si Oswaldo ay tinatawanan lamang siya.
Sa Horror house naman ay napunit niya ang damit nito nang mahila niya sa takot at gulat. Napabili ito sa gift shop ng t-shirt na may “I Love Amusement Park” na tatak.
Bumibili at kumakain rin sila sa mga nakakalat na food stall sa loob ng amusement park kaya hindi sila nakaramdam ng gutom sa walang sawang pagsakay sa iba’t ibang rides.
Huli nilang sinakyan ang napakalaking Ferris Wheel. Papalubog na ang araw kaya may halong kulay rosas at matingkad na kulay ng pula na ang tinta ng kalangitan. Mabagal ang pag ikot ng ferris wheel dahil sa laki at taas niyon. Tahimik lamang sila sa loob pero pareho silang nakangiti. Nakatingin sa papalubog na araw.
“Sobrang saya ko ngayong araw, Blaine.” anito nang ang kanilang sinasakyan ang nasa pinakatuktok na. Bahagyang tumigil ang pag ikot ng ferris wheel.
“Ako rin naman. Na-enjoy ko talaga itong araw.” pag amin rin niya. “Mabuti na lamang talaga at niyaya mo ako rito, Oswaldo.”
“Alam ko naman na magiging masaya ang araw basta magkasama tayo.” anito. Halos mahila ang kanyang hininga sa tamis ng ngiti nito sa labi habang inuusal ang mga salitang iyon. Malalim rin ang pagkakatitig nito sa kanya. “Kung pwede lang kitang halikan, gagawin ko na dahil sa sobrang saya na nararamdaman ko.”
Napahinga siya nang malalim. Parang may libo-libong paru-paro ang naglilikot sa kanyang sikmura at tinatambol ang kanyang dibdib. Halo-halo ang emosyon niyang nadarama pero namumutawi roon ang kilig at kaba.
“Sobrang swerte ko na naging kaibigan kita, Blaine.”
Napangiti siya. “Ako rin naman Oswaldo.” tugon niya. Bahagya itong umusog sa kanyang tabi at kinuha ang cellphone. Humarap siya sa camera nang makita ang kanilang repleksyon doon. Mapula ang kalangitan sa kanilang likod. Halos ang kanilang silweta na lang ang nakikita sa screen.
“1… 2… 3…” ngumiti siya kahit hindi naman nakikita sa camera pero mabilis iyong nawala nang maramdaman niya ang pagdampi ng labi nito sa kanyang pisngi. Naging kakulay ng papalubog na araw ang kanyang mukha sa kilig.
“Thank you, Blaine.” sinsero nitong usal bago ito bumalik sa pag ngiti. “Ngayon, ako naman ang may utang sa iyo.”
Ngumiti siya kahit na nanginginig na siya sa tuwa at kilig. “Sisingilin kita sa susunod, Oswaldo.”
“Handa akong magbayad.” tugon nito.
Nagmamadaling nagbihis si Oswaldo sa locker room ng kanilang eskwelahan. Nagsisimula na ang friendly game ng team ng kanilang school laban sa ibang school. Sa sobrang saya nila sa amusement park ay kapwa nila hindi namalayan ang oras at 6:20 na nang makalabas sila at nagmamadaling tumungo sa eskwelahan.
“Tara na, Blaine.” anito nang matapos magbihis pabalik sa soccer uniform. Nagmamadali silang naglakad patungo sa open field. Humiwalay lang sila nang tumungo siya sa bleachers at ito naman sa team post ng mga ito.
Hindi man niya rinig, kita naman niya na sinisermunan ito ng kanilang coach. Tumatango lang si Oswaldo dahil alam naman nito ang pagkakamali. Isa iyon sa maipagmamayabang niya para rito. Marunong ito tumanggap ng pagkakamali. Hindi ito nakikipag matigasan bagkus ay ito pa ang unang hihingi ng pasensya. Kapag nagkakatampuhan sila, hindi nagtatagal ang mga iyon dahil ito rin ang unang sumusuyo sa kanya at dahil likas na marupok siya para kay Oswaldo, tinatanggap niya rin.
May dalawang puntos na ang kabilang team bago pumasok sa laro ang kanyang kaibigan. Napapa-palakpak siya sa bawat goal na nagagawa nito. Pansin niyang sobrang ganda nang laro nito. Sunod-sunod ang pagpuntos na ginagawa nito at kita sa galaw nito na ganadong-ganado. Epekto siguro ng sermon ng coach nito.
Natapos ang laro na panalo ang kanilang school. Naghintay muna siya sa bleachers habang kinakausap ng coach ng mga ito si Oswaldo ang ang teammates nito.
“Grabe si Coach, pinagalitan pa rin ako pagkatapos ng laro.” pagkwento nito sa kanya habang naglalakad sila patungo sa motorsiklo nito.
“Naipanalo nyo naman ang laro kaya ayos lang iyon.”
Ngumiti ito. “Kaya nga eh. Kung natalo kami baka mas humaba pa ang sermon ni Coach.”
“Sobrang galing mo kanina. Wala nang bawian ah. Ako na magiging manager mo sa sunod kapag kasing sikat ka na ng idol mong sina Lionel Messi at Christiano Ronaldo ah.”
“Oo naman.”
Muli silang sumakay sa motorsiklo nito at inihatid siya nito sa kanilang bahay pero nasa daan pa lamang ay nagsimula nang malaglag mula sa maitim na kalangitan ang malalaking patak ng ulan. Nang makarating sa kanilang bahay ay mas lumakas pa iyon kaya pinapasok niya na lamang muna si Oswaldo sa kanilang bahay at ang motorsiklo nito.
Hindi sila masyadong nabasa ng ulan pero para makasiguro ay inabutan na lamang niya ang kaibigan ng towel. Nasa kwarto na niya silang dalawa at napalunok siya nang hubarin nito ang pang itaas na jersey t-shirt. Nagpunas ito ng katawan at panakaw-nakaw lamang ang kanyang pag tingin.
“Sobrang lakas ng ulan. Magpapasundo na lang siguro ako dito kay papa sa aming sasakyan.” anito at naupo sa kanyang higaan.
Tumango siya. “Mas mabuti kasi parang walang planong tumigil ang ganito kalakas na ulan.” komento niya at tumingin sa abs ni Oswaldo. Atlethic body.
Kinuha nito ang cellphone at nag video call sa mama nito. Mabilis namang sumagot ang mama nito at nag flash sa screen ang mama nito at papa na nakaupo sa sofa.
“Oscar Waldo, nasaan ka? Gabi na at umuulan.” bungad ng mama nito na ikinangiti niya. Medyo naiingit rin siya na makitang ang sweet pa rin ng mag asawa. Napapa-sana all siya. Sana all may Oscar. Sigurado siyang gwapo ang papa Oscar ni Oswaldo noong bata pa ito.
Napailing siya. Wala siyang crush sa papa ni Oswaldo pero napapaisip lang siya.
“Bakit wala kang damit pang itaas?” pahabol na tanong ng mama nito. “Nasaan ka at nang masundo ka namin ng papa mo. Naku ikaw talagang bata ka!”
“Ma, nandito ako kela Blaine.” panimula nito at iniharap sa kanya sandali ang cellphone. “Kakatapos lang ng friendly game namin laban sa ibang school at naabutan na kami ng malakas na ulan.”
“Okay, anak. Sandali- na kela Blaine ka?”
“Opo. Heto si Blaine ma oh.” anito at iniharap sa kanya ang cellphone.
“Hello po, tita at tito.” nahihiya niyang usal.
“Hello, Blaine.” ani ng mama ni Oswaldo at nginitian siya. “Oswald,”
“Oh ma?” tanong nito sa ina bago hinarap ang cellphone.
“Pagod na pala ang papa mo sa pagda-drive. Diyan ka na lang matulog kela Blaine. Bye, anak. Love you.”
“Ma- Ughh!” ungot nito bago ibinaba ang cellphone at napapailing na humarap sa kanya. “Mukhang dito muna ako makikitulog sa kwarto mo, Blaine.”
Itutuloy…
Enjoy reading. Votes and comments are always appreciated. Love you all! ❤️ I will alternate the updates between ONS and HOY OSWALDO! ❤️
Add me on Facebook: Mayor Damiel
PART 5
PART 5
Blaine
“Kung gusto mo pang kumain, Oswald. Magsabi ka lang kay Blaine. Marami pa kaming kanin doon sa kusina. Mabuti na lang at sumakto na marami ang aking sinaing ngayong gabi.” anas ng kanyang mama habang sabay silang tatlo na kumakain sa hapag. Pinagsasaluhan nila ang dala ring mga pagkain ni Oswaldo kaninang umaga.
“Salamat po, tita.”
“Ang sarap talaga mag luto ng mama mo. Hindi na ako nagtataka na sikat na sikat na ang inyong mga restaurant. Kung minsan nga kapag gumagala kami ni Blaine sa mall, hinahanap talaga namin ang inyong kainan at doon kumakain.” pagkukwento ng kanyang mama at totoo naman talaga iyon pero para sa katulad niyang personal na natikman ang luto ng mama ni Oswaldo, masasabi niyang napakalayo ng mga nasa kainan ng pamilya nito sa orihinal.
“Kung gusto nyo po, lagi ko na lang kayong dadalhan ng mga lutong ulam ni mama kapag sinusundo ko si Blaine tuwing umaga, tita.”
“Naku, huwag na Oswald. Tama na itong paminsan-minsan lang at baka ma-spoiled ako at ipaasawa ko na lang sa iyo si Blaine.”
Halos masamid siya sa kinakain sa narinig. Napaubo siya kaya dali-daling kinuha ang baso ng tubig at uminom. Habang pulang-pula siya. Tumatawa naman si Oswald.
“Wala naman pong gusto sa akin si Blaine, tita eh.” ani Oswaldo bago siya nilingon pero nag iwas siya. “Atsaka magiging manager ko pa po siya kapag naging propesyonal na akong football player dito sa pinas o kaya naman sa ibang bansa.”
“Anong wala? Meron iyang gusto sa iyo, Oswald. Arte naman ng anak ko kung wala.” panglalaglag sa kanya ng kanyang sariling ina.
“Mama!” mas namula ang kanyang mukha. Wala siyang pinagsasabihan sa kanyang nararamdaman para kay Oswaldo pero kung minsan, naiisip niyang may kutob ang kanyang ina sa itinatagong pagtanggi para sa matalik na kaibigan.
“Ang tanong may gusto ka rin ba kay Blaine?” tanong ng kanyang mama nang bumaling ito kay Oswaldo na ikinalaki ng kanyang mga mata. Hindi na niya alam kung naghahapunan pa ba silang tatlo o hino-hot seat na sila ni Boy Abunda?
Ang kaibigan naman niya ang naubo at uminom ng tubig.
“Mama naman.” pag singit na lamang niya. Hindi na siya umaasa na may gusto sa kanya si Oswaldo at ayaw niya ring masaktan sa isasagot nito sa kanyang mama kaya naman sumingit na siya. “Straight iyang si Oswaldo.”
Nang mapansin niyang ubos na ang kanin sa plato ng kaibigan ay nagpaalam siya bago kinuha ang plato na nilagyan nila ng kanin at muli iyong nilagyan sa kanilang kusina. Mula sa kusina ay tanaw na tanaw niya ang dalawa. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip ng kanyang mama at ginisa na lamang sila nito nang ganoon.
Napabuntong-hininga siya bago bumalik sa hapag at nilagyan ng kanin ang plato ni Oswaldo. Nakangiti lamang itong nagpasalamat bago muling bumalik sa pagkain. Sanay na siya sa lakas nitong kumain at sigurado siyang hihirit pa ito ng isang sandok ng kanin bago titigil at tumama siya. Hindi na niya hinintay na manghingi ito. Muli niya na lamang itong hinainan ng kanin at ulam.
Natutuwa siya dahil at home na at home si Oswaldo sa kanila at mas alaga pa nga ito ng kanyang mama kesa sa kanya. Hindi naman siya nagseselos o ano pa man, kasi kapag siya naman ang bumibisita sa mga Torrero, siya rin ang inaasikaso nang todo.
Matapos nilang kumain ay nagtulungan silang dalawa na iligpit ang pinagkainan at siya na ang naghugas niyon. Gusto pa sana siya nitong tulungan kaso humindi na siya. Baka tumagal lamang sila at prinsipe ito sa bahay ng mga ito bilang bunso kaya di na niya pinatulong. Baka pagalitan pa siya ng kanyang tita Ethan kapag nalaman.
Napangiti siya habang nagbabanlaw ng mga plato habang ang kaibigan niya ay sumabay na lang sa kanyang mama na manood ng balita. Rinig niya mula sa lababo ang tunog mula sa telebisyon at narinig niya na may bagyo sa kanilang tatama bukas ng umaga pero ngayon pa lamang daw ay madarama na nila ang hagupit niyon. Mas lalakas pa iyon bukas kapag sumentro na ang mata ng bagyo sa kanilang lugar kaya ang lahat ay pinag iingat.
Nang matapos sa ginagawa ay nagpunas muna siya ng mga kamay bago dinaluhan ang dalawa sa sala. Pinatapos lamang ng kanyang mama ang balita bago ito nagpaalam na iiwan na silang dalawa at matutulog na ito. Nginitian pa siya nito ng makahulugan na para bang may gagawin silang dalawa ni Oswaldo oras na maiwan silang dalawa.
“Akin na lang itong t-shirt mo ah.” anito kaya napalingon siya. Suot nito ang kanyang t-shirt na hindi niya ginagamit dahil medyo malaki sa kanya na sumakto lang kay Oswaldo. Pinahiram niya rin ito ng short na degarter. Prente rin itong naka upo sa kanilang pang isahang sofa.
“Sige, hindi ko rin naman iyan ginagamit dahil malaki sa akin.”
“Payat mo kasi eh. Para kang hindi pinapakain ni tita.” natatawa nitong usal. “Napurga ka na ba?”
“Baliw. Natural.”
Tumawa ito bago kinuha ang remote ng kanilang TV. “May netflix ba kayo dito? Nood tayo ng pelikula.”
Tinaasan na lamang niya ito ng kilay bago bagot na tinitigan. “Sa tingin mo ba kaya ng Japan surplus na TV namin iyang Netflix, atsaka wala kaming WiFi.”
“Sayang. May gusto sana akong panoorin. Nakita ko kanina sa YouTube ang trailer at sigurado akong magugustuhan mo rin iyon.” anito bago ibinaba ang remote. “Kapag ikaw naman ang makiki-sleep over sa amin, panoorin natin iyon.”
Tumango na lamang siya kahit na malabo iyong mangyari dahil hindi niya kayang iwan ang kanyang ina na mag isa sa kanilang bahay. Sila na lamang na dalawa ang magkatuwang sa buhay kaya kahit gustuhin niya ay hindi niya magawa na makitulog kela Oswaldo.
Patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan na sinasabayan pa ng malakas na hangin. Naaapektuhan niyon ang signal ng kanilang telebisyon.
“Doon na lang tayo sa kwarto mo, Blaine.”
“Mabuti pa.” pagsang ayon niya. Pinatay niya muna ang telebisyon bago iyon binunot sa saksakan. Bilang at home na at home ang kanyang kaibigan, nauna pa ito sa kanyang kwarto na ikina iling na lamang niya at sumunod na lamang papasok. Isinarado niya ang pinto sa kanyang likod at paglingon niya ay saktong hinuhubad na nito ang suot na pang itaas.
Napalunok siya habang pinagmamasdan na unti-unting lumantad sa kanya ang katawan nito na batak sa paglalaro sa ilalim ng araw at ang moreno nitong balat. Pansin niya ang tan lines nito sa braso at sa dibdib at ang papasibol nitong masel sa dibdib at tiyan.
Napakagat labi siya at nag iwas ng tingin. Dama niya ang pag init ng kanyang pisngi sa nasaksihan. “Hoy! Bakit ka naghuhubad, Oswaldo? Magdamit ka nga at baka mamaya ay ano ang isipin ni mama.” hindi makatingin niyang pagsaway rin.
Hindi naman siya nagrereklamo pero baka kasi matukso siya at makalimutan niyang magkaibigan sila nito at inirereserba pa niya ang sarili kapag kasal na sila.
“Hindi ako sanay na matulog nang may t-shirt eh.” anito at naunang nahiga sa kanyang higaan. “Boto naman sa akin si tita eh.” natatawa nitong pahabol.
“Ewan ko sa iyo. Hubadero.” aniya at nahiga na rin sa tabi nito. Siniguro niyang may puwang pa sa kanilang pagitan. Hindi niya kasi alam kung ano ang kanyang mararamdaman kapag magdikit ang kanilang mga balat.
Saglit na katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatitig sa mataas na kisame at nakikinig sa malakas na pagbuhos ng ulan na mas lalong umingay dahil tumatama sa kanilang yerong bubong. Walang may gustong magsalita lalong-lalo na siya. Hindi niya mawari pero kinakabahan siya. May nararamdaman siyang tensyon sa pagitan nila ni Oswaldo at mabigat iyon sa kanyang dibdib.
“Blaine,” untag nito at naramdaman niya ang pagtagilid nito ng higa pero pinanatili niya ang pagtingin sa kisame. Tama na na may gusto siya kay Oswaldo at ayaw na niyang mas mahulog pa oras na makaharap ito at muling mapagmasdan ang gwapo nitong mukha.
“Oh?”
“Kung hindi ka pumayag na maging manager ko kapag naging propesyonal na akong football player. Ano sana ang pangarap mo?”
Napaisip siya. Napagtanto niya na wala siyang pinapangarap na iba. Desidido na kasi talaga siya na abutin ang mga pangarap kasama ito kahit noong bata pa sila. “Maging doktor.” pagsisinungaling niya.
“Pwedeng-pwede iyon sa iyo. Matalino ka at masipag.” papuri nito na nagpataba sa kanyang puso. Para siyang matutunaw sa init na naramdaman sa kanyang dibdib. Kinikilig siya sa mas malalim na paraan.
“Eh ikaw ba? Papaano kung hindi ka maging propesyonal na football player?” tanong niya. Saglit niya itong hinarap at mabilis siyang pinamulahan ng mukha nang makitang malalim itong nakatitig sa kanya.
Ngumiti ito. “Susundin ko si mama at aasawahin kita tapos magtitinda tayo ng fishball at barbeque sa harap ng school natin.”
Napairap siya habang pinipigilan na mapangiti sa kilig. “Baliw! Umayos ka nga, Oswaldo.”
“Seryoso ako.” natatawa nitong usal na mas nagpa init sa kanyang pisngi. “Mag aampon tayo ng tatlo. Dalawang lalaki tapos isang bakla.”
Kinuha niya ang unan at pabiro itong hinampas. “Parang kagaya lang ng pamilya niyo.” natatawa niyang usal kahit na natutuwa siya. Palagi niyang nakikita ang pamilya Torrero bilang isang napakasaya at puno ng pagmamahalan na pamilya at sa isipin na pinapangarap iyon para sa kanila ni Oswaldo ay natutuwa siya.
“Oo nga ano.” napaisip nitong usal at inagaw sa kanya ang unan. “Pero bawal magkaroon ng relasyon ang mga anak natin. Bawal ang Family Stroke.”
Napataas ang kanyang kilay. “Sumbong kita sa kuya OJ at Argo mo ah.”
Napatawa ito.
“Pwera biro, Oswaldo. Ano ang pangarap mo?” seryoso niyang tanong.
“Wala na. Gusto ko talagang maging sikat na football player. Hindi ko nakikita ang sarili ko sa iba pang propesyon at sisiguraduhin kong maabot ko iyon. Para na rin sa iyo, sa atin.” seryoso nitong usal.
Napalunok siya at nag iwas ng tingin. Parang tinatambol ang kanyang dibdib sa nararamdaman. Para siyang sasabog at magpapakawala ng napakaraming paruparo ang kanyang katawan.
“Gusto ko mag college sa ibang bansa. Mas may tsansa raw akong madiskobre kung sa mga pamosong unibersidad ako mag aaral at maglalaro.”
Nakaramdam siya ng kakaibang lungkot pero itinago niya iyon. “Dapat pagbutihan mo pa lalo.” iyon na lamang ang kanyang naiusal. Ni minsan ay hindi sumagi sa kanyang isip na baka maghiwalay sila ng landas kalaunan at parang pinipiga ang kanyang sikmura sa isipin.
“Kaya nga eh. Pati raw ang pag aaral ko.”
Napangiti siya. Alam niyang madali lamang iyon para sa kaibigan. Matalino naman ito sadyang bihira lamang makisali sa diskusyon sa kanilang klase.
Napa singhay siya. “Kaya mo iyan. Naniniwala ako sa iyo.”
“Pero babalikan kita dito kung sakali, Blaine.” anito. “May isa akong salita at hindi pwedeng hindi ko tuparin ang pangako ko sa iyo. Huwag ka lang muna mag aasawa dito sa pinas ah.”
Napangiti siya. Hindi naman talaga siya mag aasawa kung hindi naman Oscar Waldo Torrero ang pangalan ng lalaking aasawahin niya. “Pa-fall,” mahina niyang bulong.
“Ano?”
“Wala ang sabi ko. Ang gwapo mo.”
“Alam ko naman iyon eh.”
“Ang yabang ah.” napapailing niyang usal. “Akin na iyang unan ko.” aniya at kinuha ang unan. Alas nuebe na at kung may pasok, iyon ang oras ng kanyang pag tulog.
“Inaantok ka na?”
“Oo.” pagsisinungaling niya kahit na sigurado siyang hindi siya makakatulog lalo na at magkatabi sila nitong matutulog. “Matulog ka na rin.”
Tinalikuran niya ito bago hinila ang kanyang kumot. May kalaparan ang iyon kaya hindi na siya naglabas pa ng para kay Oswaldo. Hindi rin naman ito sanay na nagkukumot, tanda niya iyon sa bawat sleepover na kanilang nagawa.
“Sige, good night.” anito.
Ipinikit niya ang kanyang mata sa pag aasam na makakatulog siya pero kagaya ng kanyang inaasahan, hindi siya binisita ng antok lalo na at damang-dama niya ang presensya ni Oswaldo sa kanyang tabi. Bawat pag ikot nito nang higa ay nararamdaman niya rin. Hindi na niya alam kung ilang minuto o oras na ang lumipas pero pakiwari niya ay napakabagal ng pagtakbo ng oras nang gabing iyon.
Hindi siya gumalaw kahit na nangangalay na siya. Ayaw niyang ipakita kay Oswaldo na naapektuhan siya at hindi makatulog dahil dito.
“Blaine? Blaine…” rinig niyang pag tawag nito pero pinanatili niya ang pagtutulog-tulugan. Napalunok siya. “Tulog ka na?”
Hindi siya tumugon at naramdaman niya ang pag usog nito. Nanlaki ang kanyang mga mata nang lumapit ito sa kanyang likod. Hinila nito ang kanyang kumot at nakihati.
Sobrang lakas ng pagkalabog ng kanyang dibdib. Para siyang mabibingi sa mala-tambol na tunog. Halos manigas ang kanyang buong katawan dahil sa pagyakap nito at pagdantay ng braso at binti sa kanya. Napakagat siya sa labi nang maramdaman sa kanyang likod ang init ng katawan nito. Damang-dama niya ang nakakapasong init ng balat nito at ang tigas ng katawan.
Napakagat labi siya nang maramdaman ang mainit nitong hininga na tumatama sa kanyang batok. Pero ang ginawa nitong pag amoy sa kanyang buhok ang bumigla sa kanya.
“Good night, Blaine.” bulong nito at humalik sa kanyang batok.
Kinakabahan man siya. Naglakas siya ng loob na umikot ng higa. Hinarap niya si Oswaldo pero hindi siya tumingin sa mga mata nito. Ayaw niyang magsalita at baka mapaamin lamang siya kaya itinikom niya ang bibig at isiniksik ang sarili sa katawan nito. Hinayaan niyang yakapin siya nito at ikulong sa bisig nito. Para siyang maiiyak sa halo-halong emosyon na katulad sa malakas na ulan ay mabilis na bumuhos.
Dinama niya ang init ng yakap nito at sa hindi malamang dahilan, kapwa sila mabilis na nakatulog. Iyon na ata ang pinakamahimbing niyang pagtulog at sa bisig pa ng kanyang pinakamatalik na kaibigan.
“Blaine! Blaine! Gising na ba kayo ni Oswald? Nandito ang mama at papa niya, sabihin mo.”
Mabilis siyang nagising dahil doon. Natagpuan niya na nakakulong pa rin siya sa bisig ni Oswaldo sa parehong posisyon na natulog silang dalawa. Iniyugyog niya ang balikat nito. “Oswaldo, gising! Nandito ang mama at papa mo.”
“Ummm…” umungot lamang ito at mas hinigpitan lang ang pagkakayakap sa kanya.
Umagang-umaga pa lamang ay nag iinit na ang kanyang pisngi. Gusto niya ring mas tumagal pa sila sa ganoong posisyon kaso baka mahuli silang dalawa. Alam niya sa kanyang sarili na may gusto siya para rito pero hindi niya masasabi na may gusto rin ito sa kanya.
“Hoy Oswaldo. Gumising ka na. Nasa labas sina tita Ethan at tito Oscar.” muli niyang panggigising dito.
“Hmmm…” ungot nito bago nagmulat ng mga mata. Saglit silang nagkatitigan bago siya nag iwas ng tingin at ito naman ay napangiti. Pinakawalan siya nito. Mabilis siyang bumangon habang prente pa rin itong nahiga sa kanyang higaan.
“Nasa labas ang mama at papa mo, Oswaldo.”
Parang doon lamang nito napagtanto ang kanyang sinabi. Nanlaki ang mata nito bago mabilis na napatayo. “Si mama at papa?” tanong nito at nagpalinga-linga na parang may hinahanap.
Dinampot niya ang pinahiram na t-shirt at iniabot iyon sa kaibigan na mabilis nitong isinuot. Umuulan pa rin sa labas. Kung tama ang forecast sa balita, mas lalakas pa iyon mamayang tanghali o hapon kapag nasa kanila na ang sentro ng bagyo.
“Ughhh. Ang sarap pa ng tulog ko sa higaan mo eh.” reklamo nito bago lumabas. Naabutan nila sa sala ang mama at papa ni Oswaldo na kausap ang kanyang ina.
Napatayo ang mag asawang Torrero ng makita ang bunso ng mga ito. “Oh siya, mare. Kukunin na muna namin ang bunso namin. Hindi talaga ako mapakali kapag ganito ang panahon at wala sa bahay ang mga anak ko.”
“Hay, kahit ako rin, mare.”
“Tara na Oswald at baka mas lumakas pa itong ulan.”
Tumango si Oswaldo sa mama nito bago siya nilingon. “Chat na lang tayo. Bye, Blaine. Bye, tita.” paalam nito sa kanila na kinawayan niya lang.
Iniwan muna ni Oswaldo sa kanilang bahay ang motorsiklo nito at sumakay ang mga ito sa sasakyan ng pamilya nito. Pagkasarado ng kanilang pinto ay siya ring pang uusisa ng kanyang ina.
“Bakit natagalan kayong magbukas na dalawa ah?”
Namula ang kanyang mukha. “Mama naman, tulog mantika kasi si Oswaldo.” pagdadahilan niya. Kalahating katotohanan at kalahati ring kasinungalingan.
“Sigurado ka ba diyan, anak?”
“Oo naman po at straight po si Oswaldo.”
“Malay mo, anak. Magaya siya sa papa niya.”
Hindi na lamang niya sinagot ang ina at nagtungo sa kanilang kusina kung saan may ilang paper bag ang nakapatong. Magtatanong na sana siya nang unahan siya ng kanyang ina.
“Galing kay balae.”
Napatango siya. Kumbinsido na talaga ang kanilang mga magulang ni Oswaldo na magiging sila.
Dalawang araw na hindi tumigil ang malakas na ulan. Bukod kasi sa bagyo, nasundan pa iyon ng low pressure area. Suspended ang kanilang klase kaya dalawang araw niya ring hindi nakita si Oswaldo. Nagcha-chat pa rin naman sila pero iba pa rin kapag magkaharap at nakakasama niya ito.
Oscar Waldo: Nababagot na ako dito sa bahay. Gusto kong gumala kasama ka Blaine.
Malaya siyang ngumiti at kinilig nang i-chat siya nito. Umayos siya ng higa bago nagtipa ng reply sa iPad na hawak.
Blaine: Ako rin naman pero bumabagyo pa. Pumirme ka muna diyan sa inyo.
Oscar Waldo: Ang gulo dito ngayon sa bahay. Nandito si Kuya OJ at Argo pati ang mga pamangkin kong makukulit.
Blaine: Ang kyut kaya ng kambal mong mga pamangkin. 😊
May hawig sa kaibigan niya ang kambal ng kuya OJ at Argo nito. Namamangha siya kasi parang sobrang lakas ng lahi ng mga Torrero. Halos iisang linya lang talaga. Kung mapapangasawa niya si Oswaldo, sigurado na siya sa magandang lahi.
Napailing siya sa pinag iisip.
Oscar Waldo: Walang kyut sa dalawa. Sobrang kukulit.
Blaine: Mag tiis ka muna atsaka baka bukas may pasok na ulit tayo. Makakagala na ulit tayong dalawa. 😊
Oscar Waldo: Miss na kita, Blaine. 😎
Pinamulahan siya ng pisngi sa kilig. Kung alam lamang sana ng kaibigan ang epekto ng mga salita at kilos nito sa kanya, sigurado siyang magdadalawang isip ito sa pagiging malambing sa kanya.
Blaine: Ako rin. Miss na kita, Oswaldo.
Gusto niyang sumigaw sa kilig at magtatatalon. Feeling niya ay parang ang landi na niya sa pagcha-chat nilang dalawa.
Oscar Waldo: Parang hindi naman. Kiss mo ako kapag nagkita tayo kung talagang na miss mo ako. 😎
Blaine: Hoy Oswaldo!
Oscar Waldo: Kung ayaw mo, edi ako ang hahalik sa iyo oras na mag kita ulit tayo sa personal. 😎
Itutuloy…
Ughh … Na miss ko itong dalawang talande hahaha.
PART 6
PART 6
Blaine
Linggo nang umaliwalas ang panahon. Maaga pa lamang ay sumikat na ang araw na pakiwari niya ay bumabawi sa dalawang araw na pag ulan mula sa malakas na bagyong dumaan sa kanilang lugar. Makailang ulit na nawalan sila ng kuryente sa dalawang araw na iyon at ang malala pa para sa kanya ay hindi niya matagalan na hindi makita at makasama si Oswaldo. Hinahanap niya ang presensya nito lalo na ang pagiging makulit at mapang asar nito.
“Anak, nandito ang boyfriend mo!” rinig niyang sigaw ng kanyang ina na nagpaalis sa antok sa kanyang katawan. Nanlalaki ang mata siyang napabangon mula sa kanyang higaan at agad na tumungo sa pinto ng kanyang kwarto at binuksan iyon, sa kanyang pagmamadali ay hindi na niya namalayan na nasa harap na mismo niya ang nakatayong si Oswaldo at may ngiti sa labi.
Bumangga siya katawan nito at mas nabigla siya nang mabilis siyang makulong sa mga bisig nito nang maagap siya nitong yakapin. Mula sa pagkakabigla, mabilis na nag init ang kanyang pisngi nang madama ang mainit nitong katawan. Amoy na amoy niya sa dibdib nito ang pamilyar nitong cologne at gusto na lamang niyang ipikit ang mata at muling matulog sa bisig nito.
“Ay sus, na-miss nila ang isa’t-isa.” komento ng kanyang ina.
Nakaramdam siya ng hiya at gusto sanang lumayo sa kanyang kaibigan nang mas humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. Nadama niya ang pagtawa nito sa dibdib. “Pwede ko po bang nakawin si Blaine ngayong araw, tita?”
“Ay, oo naman.” walang pagdadalawang isip na pagtugon ng kanyang ina. “Kung itatanan mo si Blaine, Oswald. Sabihin mo na ngayon para maipag empake ko na siya para sa’yo.” tumatawa nitong pahabol. Hindi niya makita ang mukha ng kanyang kaibigan at ng kanyang ina dahil sa pagkakasubsob niya sa dibdib ni Oswald pero kahit papaano ay ipinag papasalamat niya iyon. Hindi siya makapaniwala na handang-handa ang kanyang ina na ibigay siya kay Oswaldo.
Tumawang muli si Oswaldo. “Hindi pa po ngayon, tita.”
Mas nag init ang kanyang pisngi sa itinugon ng kaibigan kaya naman kinurot niya ito sa tagiliran. Pinakawalan na siya nito at doon niya lang tuluyang napagmasdan ang kaibigan. Basa pa ang buhok nito at halatang bagong ligo. Pormado rin ito at may ideya na siya na lalabas sila nito.
“Maligo ka na, Blaine. Gala tayo.” nakangiti nitong anyaya sa kanya.
“Hindi mo man lang ako sinabihan kagabi para naman nakapag handa ako.” aniya at muling naglakad papasok sa kanyang kwarto. Sumunod ito sa kanya at isinarado ang pinto sa likod nito.
“Biglaan lang rin naman ito kasi akala ko uulan pa rin hanggang ngayon.” dahilan nito bago dumiretso sa kanyang higaan at padapang humiga. “Bilisan mo na at nagugutom na ako. Hindi pa ako nag aalmusal.”
“Hoy Oswaldo! Bakit ba nag mamadali ka at hindi ka na nag almusal?” gulat niyang tanong at nilapitan ito sa kanyang higaan. Komportable pa rin itong padapang nahiga doon. “Umalis ka nga diyan.” medyo nako-conscious rin siya at baka mamaya ay mabaho na pala ang kanyang higaan.
“Sa mall na lang tayo mag almusal o kahit saan mo gusto. Sabihin mo lang.” anito. Medyo hindi niya nga marinig nang maayos ang boses nito.
“Oo na.” aniya at kinuha ang kanyang towel at lumabas ng kanyang kwarto para maligo. Mabilisang paliligo lamang ang kanyang ginawa. Nagsipilyo at nagtapis.
Pagbalik niya sa kanyang kwarto ay nakahiga pa rin si Oswaldo sa kanyang higaan. “Oswaldo lumabas ka muna at magbibihis ako.” aniya at hinigpitan ang kanyang tuwalya na hanggang dibdib. Ewan niya ba at nakasanayan niya ang ganoong pagtatapis dahil bata pa lamang siya ay iyon na ang nakikita niya sa kanyang ina at nadala niya iyon hanggang sa paglaki.
Umikot ito nang higa at hinarap siya. Napangiti ito. “Show me your boobs. I will send money.” anito at ginagaya pa ang boses ng mga Indiano sa internet.
“Oswaldo!”
Tumatawa itong tumayo. “Oo na. Eto na. Dalaga ka na nga pala kaya nahihiya ka na.” usal nito bago lumabas ng kanyang kwarto at mula sa loob ay rinig niya ang pagkausap nito sa kanyang ina.
Napailing na lamang siya bago ipinagpatuloy ang pagbibihis. Nang makapag ayos ay nagpabango na siya at kumuha ng maliit na sling bag at inilagay doon ang kanyang wallet at cellphone. Tumingin muli siya sa salamin at bahagyang ngumiti. Namiss niya si Oswaldo at susulitin niya ang araw na ito na magkasama sila.
“Oh, andiyan na pala ang girlfriend mo.” ani ng kanyang ina at sabay pa ang dalawa na napalingon sa kanya paglabas niya ng kanyang kwarto.
“Sige na po, tita. Ano pong gusto nyong pasalubong pag uwi namin ni Blaine?”
“Apo.”
“Mama!” pag angal niya pero natawa lamang ang dalawa.
“Oh siya, alis na at para makapag linis na rin ako dito sa bahay. Shoo!” pagtataboy na sa kanilang dalawa ng kanyang ina. Naunang lumabas si Oswaldo at nagpaalam muna siya sa kanyang ina bago sumunod sa kaibigan.
Paglabas niya ay nakaparada na sa harap ng kanilang bahay ang motorsiklo ni Oswaldo. “Na-miss ko rin itong motorsiklo ko.” anito bago inabot sa kanya ang isang helmet. “Pero mas na miss kita, Blaine.”
Nag init ang kanyang pisngi at mas tumindi pa iyon nang harapin siya nito at seryosong tumitig sa kanyang mga mata. Tinulungan siya nito na i-strap ang kanyang helmet nang hindi pinuputol ang pagtitig sa kanya. Hindi siya makaiwas ng tingin. Sobrang lakas na ng pagtatambol ng kanyang dibdib. Ilang dipa lamang ang layo ng kanilang mga mukha at kitang-kita niya ang kagwapuhan nito.
“Saan mo gustong kumain?” tanong nito at doon na siya nag iwas ng tingin. Sigurado siya na pulang-pula na ang kanyang mukha ngayon
“Kahit saan na lang.”
“Sige.”
Sumakay na ito sa motorsiklo at sumunod siya. Naiilang man, yumakap siya sa bewang nito para may makapitan. “Okay ka na, Blaine?” tanong nito.
“Oo.”
Iyon lamang ang hinintay nito at pinaandar na ang motorsiklo. “Na-bored na ako sa loob ng bahay kaya pagkakita ko na sumikat na ang araw ay nagmamadali kaagad ako na naligo at nagpunta sa inyo.” pag kukwento nito.
“Baka naman hindi ka nagpaalam sa kay tita Ethan at tito Oscar ah.” nag aalala niyang tanong.
“Tatawag na lang ako sa kanila mamaya. Gusto kong tumakas sa kambal na sina Omann at Omar, ang kukulit.” anito na nagpangiti sa kanya.
“Gusto kong makalaro ang kambal mong pamangkin. Ang ku-kyut kaya nila.”
“Huwag na. Sasakit lang ang ulo mo. Away-bati ang dalawa na parang aso at pusa.” anito at dumaan muna sila sa isang gasoline station at nagpapuno ito ng tangke. Habang naghihintay ay tumawag nga ito sa mama nito.
“Kasama ko ngayon si Blaine, ma. Gagala kami.” anito at saglit siyang sinipat. “Sa mall na rin kami kakain. May gusto akong panoorin sa sinehan. Oh sige po. Bye. I love you too.” iyon lang at ibinaba na nito ang cellphone. Nakangiti itong humarap sa kanya. “Sa bahay ka daw maghapunan mamaya.”
“Sige.” tugon niya kahit na hindi na siya makapag hintay na makikain sa mga Torrero. Hinihiling lang niya na sana ay nandoon pa ang kambal. Natutuwa kasi siya dahil may hawig pa rin ang mga ito sa kanyang matalik na kaibigan.
Nang makapag pagasolina ay dumiretso na sila sa mall. Dahil kapwa hindi pa sila nakakapag almusal ay napagpasyahan nilang kumain muna sa isang fast food na kainan. Ito na ang nagpresentang umorder para sa kanya habang siya naman ang pumili ng kanilang mauupuan.
Habang naghihintay ay tumingin-tingin siya sa paligid. Kakabukas pa lamang ng mall kung kaya’y wala pang masyadong mga tao. Hindi niya rin alam kung ano ang gagawin nila doon pero kung totoo nga ang sinabi nito sa kanyang tita Ethan. Manonood sila sa sinehan at sigurado siyang isa na naman iyon sa mga Marvel movies na kinaadikan nito.
Ilang sandali pa ang lumipas at dumating na ang kanyang kaibigan na may dalang tray ng pagkain. May kasunod rin itong server na may dala ng iba pa nitong inorder at drinks.
“Salamat,” tugon ni Oswaldo sa server nang mailapag ang kanilang mga pagkain sa lamesa.
“Ang dami naman neto.” hindi niya maiwasang usal habang tinitingnan ang pagkain sa kanilang harap. Pakiramdam niya ay bibitayin na siya bukas.
“Nagugutom ako.” natatawa nitong usal. “Ako na lang uubos pag hindi mo na kaya.”
Napailing na lang siya at sinimulan na nilang kumain. “Ano nga palang gagawin natin dito sa mall?” tanong niya habang binubuksan ang box ng burger.
“Manonood tayo ng sine. May bagong pelikula ang Marvel ngayon tapos samahan mo akong bumili ng mga gagamitin natin sa camping.” anito at muling bumalik sa pag kain ng kanin at manok.
“Huh?” naguguluhan niyang untag. Kung ang tinutukoy nito ang annual camping ng kanilang school ay wala siyang ka ide-ideya. Hindi pa iyon nababanggit ng kanilang homeroom teacher.
Napangiti ito. “Annual camping ng school natin. Sa Friday na pala iyon. Nauna kasi kaming nasabihan ni coach dahil magkakaroon rin kami ng stamina training doon.”
Napatango siya.
“Sama ulit tayo sa tent ko ah.” kaswal nitong ani habang siya naman ay nanlaki ang mata at biglang nanlamig. Dalawang gabi na naman sila nitong tabing matutulog sa maliit na tent sa malamig na camping site. “Ako na ang bahala sa pagkain natin.”
“O sige.” simple na lamang niyang tugon kahit na ang isip niya ay lumilipad na sa mga posibleng mangyari. Para siyang mahihimatay. Tabi silang matutulog ni Oswaldo!
“Ayos ka lang, Blaine?” nag aalala nitong tanong.
Natigil siya sa pagkakatulala. “Ah eh, oo naman. May naisip lang.”
“Baka naman ako iniisip mo ah.” pang aasar nito na ikinapula ng kanyang mukha.
“Ang kapal mo ah. Si Joshua Garcia iniisip ko.”
Kumunot ang noo nito. “Mas gwapo ako doon. Ako na lang isipin mo.”
Kumuha siya ng fries at ibinato iyon kay Oswaldo na sinalo nito at kinain. “Parang hindi naman.”
“May gusto ka nga sa akin eh sabi ni Tita.” mayabang nitong usal na ikinanganga niya.
“Wala noh.” defensive niyang usal.
Napatawa ito. “Binibiro lang kita. Pero base sa reaksyon mo parang meron talaga.” pang aasar nito na hindi na lamang niya pinatulan. Mas magmumukha lamang siyang guilty. Totoo naman pero ayaw niyang aminin iyon lalong lalo na kay Oswaldo.
“Busog na ako. Ubusin mo ito ah.” pag iiba niya ng usapan.
“Kayang-kaya.”
Inubos nga nito ang mga natirang pagkain. Nagpahinga rin sila ng sandali bago umakyat sa second floor ng mall para samahan itong mamili ng mga gagamitin nila sa camping.
“Tent atsaka maliit na charcoal grill ang naiisip kong bibilhin natin.” anito habang naglalakad sila papasok ng department store.
“Wala na ba iyong dinala mo dati?” tanong niya.
“Oo, nasira na iyon dahil nadaganan ng mga tools ni papa ang mga tent poles kaya bumaliko atsaka luma na rin iyon, kailangan ng palitan.” dahilan ni Oswaldo.
Matapos makapamili ay iniwan na muna nila sa Baggage counter ang kanilang mga binili bago dumiretso sa sinehan. Pagkarating nila doon ay nabigla siya dahil medyo matao roon. Karamihan ay mga binata at dalaga.
“Ang daming tao.”
“Ngayon kasi ang unang araw na ipapalabas ito sa sinehan.” tugon ni Oswaldo bago hinawakan ang kanyang palapulsuhan at hinila siya papasok para pumila sa ticket booth.
Dama niya ang init ng kamay ni Oswaldo at may mumunting boltahe ng kuryente siyang nararamdaman mula doon na kumakalat sa kanyang katawan. Nag iinit ang kanyang pisngi pero hindi naman niya maiwaksi ang kamay nito dahil nagugustuhan niya ang pakiramdam.
“Panoorin muna natin ito tapos kapag may gusto ka pang panoorin, sabihan mo lang ako.” nakangiti nitong usal bago luminya sa mahabang pila nang hindi pa rin binibitiwan ang kanyang palapulsuhan.
Nawala ang kanyang ngiti nang may dalawang babae ang lumapit sa kanyang kaibigan. Agad niya rin namang namukhaan ang mga iyon. School mate nila at parehong nasa cheerleading team at sigurado siyang parehong may gusto ang dalawa kay Oswaldo.
“Oscar?” untag ni Ashleen kaya napalingon ang kanyang kaibigan. “OMG! What a coincidence!?”
“Oswald na lang.” tipid na tugon ni Oswaldo. Kahit siya ay medyo naasiwa rin sa pagtawag nito ng Oscar sa kanyang kaibigan.
“Sorry. Are you going to watch a movie? Maybe you could join us then let’s grab lunch after. My treat!” ani Ashleen sa matinis na boses na nagpapainis sa kanya.
“Pasensya na pero may kasama na kasi akong manood. Kayo na lang siguro ng kaibigan mo ang manood ng sabay.” pag tanggi ng kanyang kaibigan na ikinangiti niya sa kanyang isipan. Bahagya pa siya nitong nilingon.
“Oops, oh hi Blaine. Didn’t see you there.” tugon ni Ashleen kahit na alam naman niyang napansin siya nito. Mula sa kanya ay napako ang tingin nito sa kamay ni Oswaldo na hawak ang kanyang kamay. Pansin niya ang pagtaas nito ng kilay bago mabilis ring nawala ang bumalik sa peke nitong pag ngiti. “Okay, Oswald. See you around na lang sa school. Bye and bye rin Blaine.”
Timid siyang ngumiti at kumaway kahit na alam niyang purong kaplastikan lamang iyon. Umalis na ang dalawa sa harap ni Oswaldo at naglakad paalis. Sa hindi niya malamang dahilan ay nilingon niya ang dalawa at pagharap niya ay nahagip niya ang masamang tingin na ipinupukol sa kanya ni Ashleen. “That faggot really annoys me. He is always following Oswald around like some puppy.” rinig niyang usal nito na nagpalaki sa kanyang mata.
Napalingon siya kay Oswaldo pero mukhang hindi nito narinig ang inusal ng bruha.
“Dapat sumama ka na lang sa dalawa.” usal niya.
“Bakit ko naman iyon gagawin? Kung gusto ko silang makasama edi sila dapat ang pinuntahan ko pero sino ba ang umaga pa lamang ay sinundo ko na sa kanilang bahay at ipinag paalam sa ina nito?” seryosong tanong ni Oswaldo.
Natahimik siya at nag iwas ng tingin.
“Ikaw ang gusto kong makasama, Blaine. Hindi ko nga kilala kung sino iyong dalawa eh at wala akong interes na kilalanin sila.” pagpapatuloy nito.
“Pasensya na, Oswaldo.” nahihiya niyang paghingi ng despensa kahit na parang sasabog na ang kanyang dibdib sa halo-halong emosyon. Nagseselos siya dahil may dalawang magandang babae ang nagpakita ng interes sa kanyang kaibigan at ngayon naman ay kinikilig siya sa isiping siya ang gusto nitong makasama. Kahit bilang kaibigan man iyon o higit pa sobra-sobra ang dulot niyong ligaya sa kanya.
“Sige, para mapatawad kita. Ikaw na lang ang bumili ng popcorn at inumin natin.” anito at bumalik ang mapaglaro nitong tono.
Napangiti na lang rin siya bago inilahad ang kanyang palad para manghingi ng pera. “Money down muna, Oswaldo.”
Natawa ito. “Hindi mo man lang ako ililibre?” tanong nito habang dinudukot ang wallet sa bulsa.
“Wala akong extra dito atsaka sigurado akong ginto ang presyo ng mga paninda dito.” natatawa niyang paliwanag. May dala siyang pera kaso naisip niyang baka kulangin.
“Ito na, sugar baby.” anito at inabutan siya ng isang libo.
“Baliw.” umiiling niyang usal pero willing siyang tawagin ito daddy sa susunod. Kinuha na niya ang pera nito at bumili ng dalawang malaking popcorn at softdrinks. Hindi ito ang unang beses na nanood sila sa sinehan kaya alam na niya na gusto nito ang cheese na popcorn at Pepsi.
Hindi na siya bumalik sa linya at hinintay na lamang ang kaibigan sa mga upuan sa harap ng cinema 1 kung saan ipapalabas ang papanoorin nilang pelikula. Ilang sandali pa ay dinaluhan na siya nito sa upuan. “May 20 minutes pa tayo bago ang next showing.”
“Ito nga pala ang sukli mo.”
“Teka, may sugar baby ba na nagbabalik ng sukli?” tanong nito pero kinuha pa rin ang iniabot niya.
“Bakit may sugar daddy ba na kaedaran lang ng sugar baby nya?” tanong niya pabalik.
Kapwa sila natawa. Iniabot niya na ang popcorn at inumin nito at nang malapit na ang next showing ay pumila na sila at sabay pumasok sa loob.
Pumwesto sila sa may bandang gitna. Ilang minuto pa ang lumipas at dumilim na sa buong sinehan at nagsimula nang magpalabas ng mga trailer sa malaking screen. “Panoorin rin natin iyan sa susunod ah.”
Tumatango lamang siya dahil bawat pagkatapos ng trailer ay iyon ang litanya ni Oswaldo.
Medyo nagustuhan niya rin ang pelikula. Hindi siya masyadong pamilyar sa mga superhero pero pabulong naman na nagkukwento sa kanya si Oswaldo kaya kahit papaano ay hindi siya nawawala sa istorya. Medyo nakikiliti siya sa pagbulong nito lalo na at mainit ang hininga nito.
Mula sa pagbulong nito ay nabigla siya nang ipatong nito ang kamay sa kanyang kamay na nakapatong sa armrest sa pagitan nilang dalawa. Napalunok siya nang pagdikitin nito ang kanilang mga palad at bahagyang pisilin ang kanyang kamay.
Nag iinit ang mukha niya itong nilingon pero nakatutok ito sa pinapanood. Naguguluhan at nalilito siya sa kung anong gusto nito at anong ibig nitong iparating sa paghawak nito sa kanyang kamay? Papaano kung paglalambing lamang nito iyon bilang kaibigan? Napakagat labi siya. Lubos na siyang nahuhulog kay Oswaldo.
Hindi na niya masyadong naintindihan ang pinapanood. Lumilipad ang kanyang isip sa magkahawak nilang mga kamay. Hanggang sa matapos ang pelikula ay hawak nito ang kanyang kamay at bumitiw lamang nang magliwanag ang buong sinehan.
Nakangiti siya nitong hinarap. “Ang ganda! Gusto ko na tuloy mapanood ang kasunod.” anito bago inilahad ang kamay. Nanginginig ang kamay niya iyong tinanggap at tumayo. “Saan mo gustong mag merienda, Blaine?”
“Ikaw na bahala.” tipid niyang tugon.
“Sige. Doon tayo sa bahay at may bagong mga bake si mama at para ma experience mo ang kakulitan ng mga pamangkin ko.” nakangiti nitong usal.
Napangiti rin siya. Paglabas nila sa sinehan ay kinuha muna nila ang kanilang pinamili sa baggage counter bago sila tuluyang umuwi sa bahay ng mga Torrero. Nasa labas pa lamang ay rinig na niya ang ingay sa loob ng mga bahay.
“Rinig mo iyon?”
Nakangiti siyang tumango.
“Mas magulo pa sa loob ng bahay.” anito bago binuksan ang gate ng mga iyon at pumasok sila at dumiretso sa loob kung saan binati sila ng mga nagkalat na laruan at may maliit pang bahay-bahayan na gawa sa kumot at mga unan sa sala.
“Uncle Oswald!” sabay na sigaw ng kambal at tumatakbong lumapit sa kanyang kaibigan. Yumakap ang dalawa sa magkabilang binti at naglambitin.
“Pasalubong namin, uncle?”
“Yeah.”
Kumunot naman ang noo ni Oswaldo. “Ubos nyo na ang mga pagkain dito sa bahay nagre-request pa talaga kayo ng pasalubong.”
“Sino siya, Uncle?” tanong ng isa sa mga kambal. Kilala niya lang sa pangalan ang kambal pero hindi niya talaga maklaro ang pagkakaiba ng dalawa dahil identical ang mga ito.
“Best friend ko. Si Blaine. Mag hi kayong dalawa sa kanya.” utos nito sa dalawa na bumitaw sa binti nito.
“Hi!” sabay na bati ng dalawa at humarap sa kanya.
“Upo ka muna, Blaine. Kukuha lang ako ng merienda natin.” ani Oswaldo bago muling humarap sa kambal. “Kayo naman, kausapin nyo muna si Kuya Blaine niyo.”
Nang maiwan sila ni Oswaldo ay niyaya siya ng kambal na maupo. Mabilis na kinuha ng mga ito ang nagkalat na laruan sa sofa para may maupuan siya na ikinangiti niya.
“Do you kiss, Uncle Oswald? Like what our mommy and daddy do?” tanong ng isang kambal sa kanya.
Napanganga siya sa bigla at umiling. “Hindi.”
“Oh, I thought you and uncle are lovers.”
“Oo nga po. Ikaw ang magiging mommy tapos si Uncle Oswald ang daddy kasi mas malaki siya sa iyo.”
Napatakip na lamang siya ng kamay sa bibig. Hindi siya makapaniwala sa ginagawang panggigisa sa kanya ng kambal na pamangkin ni Oswaldo.
“Do you want to play with us?”
Umiling siya. “Hintayin ko na lang muna ang uncle Oswald nyo.”
“Okay.”
Iniwan na siya ng dalawa dahil tumatakbo ang mga iyon palabas sa garden. Pag balik ni Oswaldo ay may dala na itong tray ng mga baked goods at pitsel ng juice.
“Nasaan na ang dalawa?”
“Tumakbo papunta sa garden nyo. Ang kukulit nga ng dalawa.” natatawa niyang usal.
“Sabi ko sa’yo eh.” anito bago inilapag sa lamesa ang dalang pagkain at tumabi sa kanya. “Wala sina mama at papa. Bumili daw sa mall ng mga lulutuin. Sina kuya Argo at OJ lang ang nandito.”
Nagmerienda na sila at pagkatapos niyon ay niyaya siya nito sa kwarto nito at doon ay nagkulong sila at naglaro sa playstation nito. Hapon na nang bumaba sila at dumalo sa pagkain. Doon niya mas napatunayan na makulit nga ang kambal. Habang nangungunsumi ang kuya OJ at Argo ng kanyang kaibigan. Tuwang tuwa naman ang kanyang tito Oscar at tita Ethan sa mga apo nito.
Matapos kumain ng hapunan ay nagpaalam na siya sa mga Torrero. Syempre hindi siya pinayagang umuwi ng mama ni Oswaldo ng wala siyang dalang pagkain at mga baked goods.
Inihatid siya ni Oswaldo sa kanilang bahay.
“Maraming salamat, Blaine.”
“Ako nga ang dapat magpasalamat sa iyo eh.” nakangiti niyang usal at itinaas pa ng bahagya ang hawak na mga paper bag na may lamang pagkain.
“Alam mo naman na laging bukas ang bahay namin para sa iyo.” anito bago pinatay ang motorsiklo at tumayo at hinarap siya. “Pero seryoso ako, Blaine. Maraming salamat.”
Napalunok siya nang hawakan siya nito sa mukha at iniangat iyon patingala rito. “May napagkasunduan tayo ‘di ba? Namiss kita.” anito at inilapit ang mukha upang halikan siya sa pisngi.
Parang natigil ang kanyang buong mundo nang muling madama ang mainit nitong labi sa kanyang pisngi. Hindi siya makagalaw pero ang kanyang dibdib at isipan ay nagwawala na.
Ngumiti ito sa kanya. “Kita na lang tayo bukas. Susunduin kita. Bye, Blaine.” anito at muling sumakay sa motorsiklo at pinatakbo iyon.
Naiwan siyang nakatayo sa harap ng kanilang bahay. Naguguluhan man siya sa kung ano ba talaga ang tingin sa kanya ni Oswaldo, hindi niya pa rin maiwasang kiligin.
Itutuloy …
PART 7
PART 7
Blaine
LUNES. Tama nga ang ibinahagi sa kanya ni Oswaldo dahil nag anunsyo na ang kanilang homeroom adviser patungkol sa kanilang taunang school-wide camping at namigay na rin ito ng mga waiver na kailangan nilang papirmahan sa kanilang mga magulang bago makasali. Wala na rin silang naging klase noong umaga dahil may mandatory check up sa kanilang buong school para na rin sa kanilang camping. Nagsimula iyon sa Junior high patungo sa kanilang mga nasa senior high na.
Dahil libre silang buong klase, sobrang ingay sa loob ng kanilang klasrum. May nagkukumpulan sa likod habang naglalaro ng mobile games, may mga nagkakantahan dahil isa sa kanilang mga classmate ay may dalang ukelele, may nagchi-chismisan at meron rin namang tahimik lang.
“May biglaang practice kami, Blaine.” ani Oswaldo at ipinakita nito ang cellphone sa kanya kung saan may text ito mula sa coach nito. “Wala pa naman ako sa mood ngayon.”
“Alam mong hindi ka pwedeng lumiban sa mga practice nyo.” aniya. Ito kasi ang star player ng kanilang scoccer team kaya malaking kawalan kapag wala ito sa mga practice.
Napatango na lamang ito bago tumayo.
“Sige na. Sasamahan na lamang kita.” aniya na ikinangiti nito. Umaliwalas ang mukha nito.
“Talaga?”
“Pwede ba akong tumanggi?” tanong niya.
Tumawa ito. “Hindi. Magagalit sayo si tita, boto pa naman iyon sa akin.”
Napakunot ang kanyang noo. “Ano namang kinalaman non?”
“Syempre dapat susuportahan mo lagi ang magiging mister mo sa sunod.” nakangiti nitong tugon.
Doon na siya napa angal. “Bilisan mo na diyan at baka mapagalitan ka ng coach n’yo.” aniya at mabilis na tumalikod para itago ang namumulang mukha.
Bakit ba kasi parang ang dali-dali lang para kay Oswaldo na biruin siya ng ganoon? Atsaka bakit parang napakadali niya ring mahulog sa mga biro nito? Naiinis siya dito at naiinis rin siya sa kanyang sarili. Bakit sa dinamirami ng mga lalaki, sa bestfriend nya pa talaga siya nagkagusto?
“Biro lang iyon, Blaine.” ani Oswaldo bago umakbay sa kanya. “Ililibre na lang kita mamaya. Saan mo gusto mag merienda?”
“Gusto ko ng pagkain sa restaurant nyo.” aniya. Ang gusto nya talaga ay muling matikman ang luto ng mama ni Oswaldo pero nahihiya na siya sa kanyang tita Ethan at napapadalas na siya sa pagkain doon.
“Walang problema.” anito. Medyo nanliliit talaga siya kapag inaakbayan siya ni Oswaldo dahil mas napapansin niya ang agwat ng kanilang taas. Hanggang kili-kili lamang siya nito. “Sa bahay ka na lang kaya kumain? Mas sigurado ka pang masarap kasi si mama talaga ang nagluto.”
“Nahihiya na ako kay tita Ethan at tito Oscar.” nahihiya niyang pag amin. Sobrang sarap naman kasi magluto ng mama ni Oswaldo.
Umiling ito. “Mas gusto nga ni mama na nasa bahay ka eh.”
“Oh sige, pero sabihin mo na inimbitahan mo ako ah.” pag uutos niya kay Oswaldo.
“Walang problema, Blaine.”
Pagkarating nila sa locker room ay nagmamadali itong nagbihis sa soccer uniform nito. Nang hubarin nito ang suot na polo ay mabilis siyang tumalikod. Naiilang at nag iinit kasi ang pakiramdam niya kapag nakikita itong hubad baro.
Para hindi mailang, kinuha na lamang niya ang bag nito na may lamang towel at pamalit na damit. Wala itong dalang tumbler kaya naman tinandaan na lamang niya sa kanyang isip na bilhan ito ng Gatorade.
“Tara na.” anyaya nito matapos magbihis. Kinuha nito ang bag sa kanya at sumunod siya sa paglalakad rito hanggang sa marating nila ang kanilang malawak na soccer field. Tanaw nila ang ilan sa mga teammates nito na nagsisimula na sa stretching at warm up drills.
“Late ka na.” aniya at naupo sa isa sa mga bench.
“Ayos lang.” nakangiti nitong usal bago inilagay sa tabi niya ang bag nito. “Panoorin mo ako ah. Gagalingan ko para sa’yo.” anito at kinindatan siya bago tumatakbong sumali sa mga kakuponan nito.
Naiwan siyang namumula ang mukha at kinikilig. Gusto niyang mapatili sa hindi maipaliwanag na kaligayahan pero pinigil niya ang sarili. Kinagat niya ang labi pero hindi niya napigil ang mapangiti.
Tanaw niya si Oswaldo habang nag i-stretching. Matapos ang ilang minuto ay inutusan ang mga ito ng coach na magpatuloy sa kanilang warm up drills ng pagsipa ng bola, pag handle niyon, at pagpasa. Ilang taon na niyang sinusuportahan si Oswaldo kaya pamilyar na pamilyar na siya sa ginagawa nito bago ang mga practice game.
Habang hindi pa nagsisimula ang laro ng mga ito ay naisipan na niyang bilhan na muna ito ng maiinom para kapag nag water break ito mamaya.
Dala ang dalawang bote ng Gatorade ay bumalik siya sa inupuang bench at magiliw na pinanood si Oswaldo na maglaro. Hindi pa rin nawawala ang kanyang paghanga dito sa galing nito maglaro. Kita niya sa kung papaano ito gumalaw na gusto nito ang ginagawa. Napakanatural ng kilos nito sa pagpasa ng bola at pagsipa niyon para pumuntos. Pakiwari niya ay ipinanganak talaga ito upang maging isang atleta at isang manlalaro ng soccer.
Kada puntos nito ay pinagkakaguluhan ito ng mga ka teammate nito at kapag nagkakataon ay tumitingin ito sa kanyang direksyon at pasimpleng kumakaway.
Matapos ang 45 minutes ay sumenyas ang coach ng mga ito na magkaroon ng break. Sa totoong laro ay may 15 minutes ang mga ito para makapag pahinga at uminom pero kapag training at practice game medyo mas maikli.
Tumatakbo itong pumunta sa kanya. Medyo basa ito sa pawis kaya nangingintab ang moreno nitong balat. Mabilis niyang pinigil na mapatitig sa kaibigan at inabutan ito ng maiinom.
“Maraming salamat, Blaine.” anito bago kinuha ang bote ng Gatorade at naupo sa kanyang tabi.
“Akala ko ba wala ka sa mood?” tanong niya dito. “May wala ba sa mood na laging nakaka score ng goal?”
Mayabang itong napangiti. “Sabi ko sa’yo gagalingan ko, ‘di ba?”
Matapos nitong maubos ang isang bote ay inabutan niya ito ng bimpo at nabigla siya nang hubarin nito ang pang itaas at doon nagpunas.
Kagat labi siyang nag iwas ng tingin. Ang init na ng panahon at parang balak pa iyong dagdagan ni Oswaldo.
“Pero medyo hinanap rin ng katawan ko ang paglalaro.” pagpapatuloy nito at ibinalik sa kanya ang bimpo. “Hindi ako makapaniwalang ilang araw rin akong hindi nakapaglaro.”
“Parang hindi nga halata eh. Napakagaling mo pa rin.” puri niya rin at iyon naman talaga ang totoo. May ilang mga kolehiyo na ang nagpaparamdam na balak kuhain ang kanyang kaibigan oras na magtapos ito pero ang plano talaga nito ay sa States mag aral para mas mabigyan ng tyansa ang sarili na makapaglaro sa propesyonal na mga league.
Nakaramdam siya ng kaunting kirot sa isipin. May dalawang taon pa sila bago mag kolehiyo pero parang nalulungkot na siya sa ideya na magkakahiwalay sila ng ilang taon. Balak niyang pumasok sa Unibersidad ng Pilipinas habang ito naman ay sa ibang bansa mag aaral.
Gustuhin man niyang sabayan ito sa pag abot nito ng pangarap, hindi naman niya kakayanin na mag aral sa ibang bansa. Wala siyang pera. Hihintayin niya na lamang siguro ito.
“Kailangan kong galingan dahil nanonood ka.” nakangiti nitong ani. “Paano kita makukimbinseng maging manager ko kung hindi ko gagalingan?”
“Bolero.” aniya na lamang.
Pumito ang coach ng mga ito kaya nagmamadaling isinuot ni Oswaldo ang pang itaas nito. “Sige, Blaine.” anito at tinapik siya sa balikat bago muling sumali sa mga kagrupo nito.
45 minutes muli ang itinagal ng kalahati ng laro at natapos iyon na si Oswaldo ang may pinakamaraming puntos. Striker ang posisyon nito sa grupo kaya normal na lamang iyon pero pansin niya talaga na mas gumagaling pa ito sa paglalaro at natutuwa siya. May kakaibang yabang siyang nararamdaman para sa kaibigan.
“Whoah. Libre na daw kami buong hapon sabi ni Coach.” ani Oswaldo nang muli siya nitong daluhan. Inabutan niya ito ng maiinom na nakangiti nitong tinanggap. “Gala tayo.”
“Magpahinga ka nga muna. Gala kaagad ang nasa isip mo.”
Napangiti lang ito sa panenermon niya. Isang tungga lamang para sa kaibigan ang bote ng Gatorade.
“Mag punas ka na rin ng pawis.” aniya at sunod na inabot ang towel.
Sa harap niya mismo ito naghubad ng pang itaas. Sa pagkakabigla ay hindi na niya nagawang i-iwas ang tingin. Tumambad sa kanya ang maganda nitong katawan. Morenong balat na nangingintab sa butil-butil na pawis.
“Ikaw na lang magpunas.”
Nanlaki ang kanyang mata at pinamulahan siya ng mukha. “Hoy Oswaldo!” saway niya na ikinatawa lang nito.
“Biro lang. Akin na iyan.” anito at kinuha ang towel at naupo sa kanyang tabi.
Nag iinit pa rin siya. Gusto niya namang gawin iyon pero nahihiya siya atsaka nasa field sila ng kanilang pinapasukang eskwelahan. Anong iisipin ng kanilang schoolmate kapag nakita siyang pinupunasan ang katawan nito?
“Paabot ng cellphone ko, Blaine.” pakisuyo nito at kinuha niya sa bag nito ang cellphone sabay abot. “Salamat. Tatawag lang ako kay mama.”
Tumango siya.
“Ma,” pagkausap nito sa ina. Hawak sa isang kamay ang cellphone at sa kabila ang towel. “Nasaan ka po? Kasama mo si Papa? Kakain kami sa diyan sa bahay ni Blaine, ma. Iyong paborito ko po. Salamat. I love you rin.”
Nakangiti siya nitong hinarap. “Uwi tayo sandali mamayang tanghali. Nagpaluto ako kay mama ng paborito kong adobong manok na may pinya.”
Napangiti rin siya.
HUWEBES. Maaga pa lamang ay gumising na siya at naligo. Pagkalabas niya ng paliguan ay naabutan na niya ang kanyang ina na naghahanda ng kanyang almusal.
“Naihanda mo na ba ang mga dadalhin mo, anak?” tanong nito nang mapansin siya.
“Opo, ma. Nakaraang araw ko pa po iyon naayos atsaka si Oswaldo po ang may dala ng karamihan ng aming gagamitin.” aniya. Hindi na lamang niya idinetalye sa kanyang ina na magsasalo sila ng kanyang kaibigan sa iisang tent at baka tuksuhin na naman siya nito dahil doon.
“O sige na, magbihis kana at mag almusal dito.”
Tumango siya at dumiretso sa kanyang kwarto at doon nagmamadaling nagbihis. Nang makasigurong ayos na siya ay dinala na niya ang kanyang bag at dinaluhan ang kanyang ina sa kanilang hapag.
Nangangalahati pa lamang siya sa kanyang almusal nang marinig niya ang paghinto ng isang sasakyan sa harap ng kanilang bahay. Alam na kaagad niya kung sino iyon. Ang kanyang ina na ang nagpresentang pagbuksan si Oswaldo.
“Magandang umaga ho, tita.” bati ng kanyang kaibigan at nag mano pa sa kanyang ina.
“Magandandang umaga din. Sinong kasama mo?”
“Si papa po kaso hindi na daw siya bababa sa sasakyan.” ani Oswaldo.
“Sige, kumakain na lang rin naman si Blaine. Nag almusal ka na ba?”
Tumango ang kanyang kaibigan.
“Matatapos na ako dito.” aniya at mas binilisan ang pagkain at inisang tungga ang tinimplang gatas. Mabilisan niya rin iyong inilagay sa lababo at uminom ng tubig.
“Alis na kami ni Oswaldo, ma.” paalam niya sa kanyang mama at yumakap dito.
“Oh sige, mag ingat kayo doong dalawa. Huwag kang umalis sa tabi ni Oswaldo.” bilin nito.
Nag iinit ang pisngi siyang tumango. “Bye, ma.” Akmang kukunin na niya ang kanyang bag nang maagap siyang inunahan doon ni Oswaldo.
“Ako na ang magdadala.” anito sa kanya at bumaling sa kanyang mama. “Bye na rin po, tita.”
Sabay na sila nitong lumabas ng kanilang bahay at sa harap nga ay naghihintay ang itim na sasakyan ng papa nito. Pinagbuksan siya nito ng pinto sa likod. “Salamat,” simple na lamang niyang usal kahit na kanina pa siya kinikilig. “Magandang umaga po, tito Oscar.”
“Magandang umaga din, Blaine.” ganti nito at nginitian siya. Sumakay sa kaharap niyang upuan si Oswaldo. “Seatbelt nyong dalawa.” anito bago sinimulang paandarin ang sasakyan.
“Baka naman pagtrabahuin mo doon si Blaine, Oswald. Kung kaya mo na ikaw lang. Ikaw na lang gumawa.”
“Papatulong lang po ako kay Blaine sa pagluluto ng kakainin namin, pa. Iyon lang.” tugon naman ni Oswaldo na abala sa cellpone nito.
Tahimik lang siya sa likod pero kinikilig siya. Ewan niya ba pero parang ang alaga sa kanya ng papa ni Oswaldo. Kahit na kapag bumibisita siya sa bahay ng mga Torrero ay ayaw nito na pinapatrabaho siya kahit magaan lang na gawain. Natutuwa siya dahil ini-spoiled siya nito. Isang bagay na hindi niya naranasan sa ama niyang bata pa lamang siya ay namatay na dahil sa sakit.
Tumango-tango ito. “Lagi ka lang sumama kay Oswald, Blaine. Sanay itong batang ito sa mga camping kaya wala kang po-problemahin.”
Namumula ang mukha siyang tumango.
Tahimik na sila buong byahe at ilang minuto lang rin naman ay nakarating na sila sa harap ng kanilang pinapasukang eskwelahan kung saan may ilang bus ang nakaparada at ang mga schoolmate nila ay naghihintay.
Sabay-sabay silang bumaba. Kinuha ng papa ni Oswald ang mga gamit nila sa likod habang si Oswaldo naman ay binuhat ang mga iyon patungo sa kanilang bus na sasakyan. Tutulong na rin sana siya nang tanggihan siya ng papa nito. “Saan ang bus niyo? Ako na lang ang magdadala, Blaine.”
Sinamahan niya na lang ang kanyang tito Oscar sa kanilang bus at ito ang naglagay sa compartment ng bus ng kanilang mga dala.
“May naiwan pa kayo, Oswald?”
“Wala na po, pa.” tugon ni Oswaldo.
“Oh sige, mag ingat kayong dalawa.”
“Salamat po, tito Oscar.”
Tumango lang ito at iniwan na silang dalawa. Napag desisyunan na nilang sumakay sa bus ni Oswaldo at pumili ng magandang mapu-pwestuhan. Parehong pang dalawahan lang ang magkabilang hilera ng upuan sa bus at doon sila sa may bandang gitna naupo. Siya ang pumwesto sa tabi ng bintana.
“May dala ako ditong mga pagkain. Sabihin mo lang kung nagugutom ka, Blaine.” anito at ipinakita ang dalang bag na inilagay nito sa compartment sa kanilang itaas. Naupo ito sa kanyang tabi at kinuha ang cellphone nito. Kumuha ito ng litrato kasama siya. Timid lamang siyang ngumiti sa tabi nito.
Nagsimula na ring magsi akyatan ang ilan nilang mga kaklase hanggang sa mapuno na ang kanilang bus. Ilang sandali lang rin ay dumating na ang kanilang homeroom teacher at ang driver at nagsimula na sila sa kanilang mahabang byahe.
Inilabas ang ipad ni Oswald. Naalala kasi niya na may mga pelikula doon na nakasave sa isa nitong streaming account. “Wait, may bago ako dito sa cellphone.” anito.
Kinuha nito ang isang pares ng earphones at inilagay sa kanyang tenga bago nito sinimulan ang pelikula.
“Mas maganda pa rin iyong nasa sinehan tayo.” anito at parang nanumbalik sa kanya ang memorya ng pagbulong nito at paghawak sa kanyang kamay.
“Anong pelikula ba ito?” tanong niya.
“Ewan napanood ko lang iyong trailer sa YouTube kaya sinearch ko kaagad at dinownload.” anito at idinantay ang ulo sa kanyang balikat.
Bahagya siyang natigilan pero hindi naman ito sinaway. Sa kanilang buong byahe ay ganoon ang posisyon nito at napansin niyang nakatulog pa nga ito. Nagising lamang ito sa kanilang bus stop.
Tirik ang araw nang matapos sila sa ilang oras na pag akyat sa bundok para lamang makarating sila sa kanilang camping site. Si Oswaldo ang nagpresentang mag dala ng mabibigat nilang gamit kagaya ng cooler at tent habang siya naman ang sa kanilang mga damit.
Pagkarating sa camp site ay halos hindi na nila inda ang tirik na araw dahil sa malakas ang ihip ng malamig na hangin. Saglit silang nagpahinga bago sinimulang itayo ang kanilang tent. Tinulungan niya itong itayo iyon kaya madali silang natapos.
Pagkatapos niyon ay iniwan muna nila ang kanilang gamit sa tent at naghanap sila ng malilim na mapupwestuhan upang kumain. Dinalhan siya nito ng pre-packed na pagkain na inihanda ng kanyang tita Ethan.
Nang makapuwesto sa ilalim ng matatas na puno. Inilatag niya ang isang malapad na banig at doon ay naupo sila. Medyo malayo sila sa iba nilang mga schoolmate na naghanap rin ng kanya-kanyang mapu-pwestuhan.
“Ang sarap dito.” ani Oswaldo habang dinadama ang malakas na ihip ng presko at sariwang hangin.
“Oo nga eh. Wala nga lang kuryente at tubig.” aniya at inilabas ang kanilang mga kakainin.
“Ayos lang. Magpapaka-Tarzan muna tayo dito.” Nakangiti ito bago bumaling sa kanya. “Ako lang pala. Tapos ikaw si Jane. Jane, Blaine. Magkatunog.”
“Gutom lang ‘yan.” kinikilig niyang tugon. “Kumain na tayo.”
Nagsalo sila sa pagkain at pagkatapos niyon ay tinawag na rin sila ng kanilang camp master para sa simpleng instructions. Matapos iyon ay nagsimula na sila sa kanilang mga activity na karamihan ay patungkol sa mga survival skills. Halos taunan nila iyong ginagawa kaya medyo pamilyar na siya.
Medyo nalungkot lang siya na hindi niya kagrupo si Oswaldo. Hapon nang matapos sila sa mga gawain at libre na sila buong gabi sa kung anong gusto nilang gawin.
“Blaine, sama ka sa akin.”
Napakunot ang noo niya. “Saan?”
“Basta.” Halos hindi na siya nito binigyan ng pagkakataon na magreklamo at hinila na lamang siya papasok sa masukal na gubat.
“Hoy Oswaldo! Bawal tayo dito.” aniya.
“Sandali lang. Babalik din tayo bago magdilim.” anito at ilang minuto pa ang kanilang nilakad nang marinig niya ang paglagaslas ng tubig. “Tingnan mo.”
Tumambad sa kanya ang medyo may kalaparang ilog. Bahagya siyang napanganga dahil malakristal sa linaw ang tubig niyon.
“Off-limits lang tayo sa paliligo.” singit nito habang pinagmamasdan rin ang ilog.
“Wala naman akong plano na maligo pero ang ganda pa rin. Sana may malapit na ganito sa atin.” aniya.
“Meron naman kaso marumi lang. Pero kung ayos lang sayo sumisid kasama ng mga basura. Pwede naman.”
“Baliw.” aniya at inirapan ito.
Bago pa sila mapansing nawala at ipahanap ay bumalik na sila kaagad. Nagpresenta itong mag ihaw ng kanilang kakainin at siya naman ang nag ayos sa loob ng kanilang tent.
Inilatag niya ang kanilang makapal na sapin bago ang kanilang unan at kumot. Maging ang kanilang bag ay inayos na niya ang pagkakalagay sa gilid para hindi masyadong kumain ng espasyo.
Paglabas niya ay umaapoy na ang mga panggatong nito at nakahanda na ang ilang piraso ng barbeque.
“Nice. Sanay na sanay.”
“Tamang practice lang. Di ba sabi ko sa’yo kapag hindi ako naging propesyonal na football player, aasawahin kita at magtitinda tayo ng fishball sa harap ng school.” nakangiti nitong ani at parang tuwang-tuwa pa sa kalokohan.
“Baliw ka talaga.” aniya at tinabihan ito. Pinipigil niya lamang ang sarili na huwag kiligin sa mga pang aasar nito. Inilagay na nito ang maliit na screen sa itaas ng mga baga bago nilagyan ng kaunting mantika.
“Tapos tatlong anak, dalawang lalaki at bunso iyong bakla.”
“Mag ihaw ka na lang diyan.” aniya at kinuha ang ilang stick at isinalang iyon sa apoy. “Marunong ka pala mag ihaw.”
“Ganito lang naman ang alam ko sa pagluluto tapos pritong itlog, hotdog, atsaka ham.” Proud nitong usal. Nilagyan nito ng mantika ang iniihaw bago binaliktad. “Atsaka Pancit Canton pa pala.”
“Ang lakas mo kumain tapos puro si tita Ethan lang pala ang nagluluto sa inyong bahay.”
“Sa susunod ikaw na magluluto para sa akin.” anito.
“Hoy Oswaldo, balak mo pa ata akong gawing katulong.” natatawa niyang pag sita rito.
Natawa rin ito. “Marami kang makukuhang benefits kapag ako ang amo mo pero hindi naman bilang katulong ang ibig kong sabihin kanina.” anito.
Napangiti siya. Tinulungan niya itong baliktarin ang unang batch ng kanilang inihaw bago iyon inilipat sa malinis na lalagyan. Nakadama siya ng gutom sa bango ng kanilang barbeque.
“Nakakagutom ang amoy.” aniya.
“Kaya nga eh.” pagsang ayon nito at kumuha ng isang stick at kumagat doon. “Pwede na tayong mag tayo ng ihawan. Kuhain natin si mama na supplier.” natatawa nitong ani at inalok siya.
Nag init ang kanyang pisngi. Ipinagpapasalamat na lamang talaga niya at medyo madilim na at hindi na nito makikita kung papaano mamula ang kanyang mukha.
Kumagat siya sa hawak nitong barbeque. Napatango siya. Masarap nga at saktong-sakto ang pagkaka ihaw nila.
“Masarap nga.”
Ito namang muli ang kumagat.
“Kumain na kaya tayo.” anito at kinuhaan siya ng isang stick. “Cheers.”
Pinagdikit nila ang kanilang stick bago sabay na kumain. Nakailang stick na sila nang tumayo ito. “Pakibantay muna, Blaine. May hihiramin lang ako kay Art.” tukoy nito sa kanilang kaklase na may ari ng ukulele.
Pagbalik nga nito ay may dala na itong ukulele. Marunong ito mag gitara at maganda rin ang boses nito pero hindi lang talaga mahilig kumanta.
“Request ka ng kanta.” nakangiti nitong ani nang maupo sa kanyang tabi. “Pakagat muna ako ” anito kaya pinakagat niya sa kanyang barbeque na hawak.
“Ikaw na bahala.” nakangiti niyang ani.
Bahagya itong humarap sa kanya. Malapad ang pagkakangiti. Mas nag init ang kanyang pisngi. Mas lalo atang gumwapo ito sa kanyang paningin ngayong gabi na tanging ang maliwanag na buwan at ang apoy sa kanilang harap lamang ang kanilang ilaw.
Sinimulan nitong i-strum ang string. ” Oh, maybe I came on too strong. Maybe I waited too long .” pagsisimula nito habang nakatingin sa kanya.
Napakagat siya sa kanyang labi. Hindi niya magawang maialis ang paningin sa gwapo nitong mukha.
” Maybe I played my cards wrong. Oh, just a little bit wrong. Baby I apologize for it ” malalalim ang pagkakatitig nito sa kanya.
Ipinagpatuloy nito sa pagkanta ng Dive ni Ed Sheeran nang hindi inaalis ang tingin sa kanya.
” So don’t call me baby
Unless you mean it
Don’t tell me you need me
If you don’t believe it
So let me know the truth
Before I dive right into you ”
Sobra na ang pag iinit ng kanyang mukha at pagkalabog ng kanyang dibdib sa halo-halong emosyon. Bawat pagkalabit nito sa string ay siyang paghila nito sa kanyang nararamdaman. Bawat salita sa kinakanta nito ay direktang naiimprenta sa kanyang puso at isip.
Kapwa wala silang maiusal nang matapos itong kumanta. “Blaine,” pagputol nito sa namagitang katahimikan sa kanila.
“Oswaldo,”
“Nalilito ako.” halos pabulong nitong usal.
Itutuloy …
Here’s the update. Delayed dahil medyo mababa ang votes last chapter. Enjoy.
Kaya don’t forget to vote and comment.
PART 8
PART 8
Blaine
“Nalilito ako.”
Kulang ang mga salita para mailarawan ang kanyang nararamdaman. Sobrang lakas nang pagkalabog ng kanyang dibdib. Kinakabahan siya at umaasa. Kung nalilito ito, mas nalilito siya sa gusto nitong iparating. Saan ba ito nalilito? Sa nararamdaman para sa kanya? May itinatago rin ba itong pagkakagusto sa kanya? Kung nalilito ito, siya naman ay naguguluhan.
Umiling siya. Nahihibang na siya. Paano ito magkakagusto sa kanya gayung straight ito. Iyon ang malinaw sa kanya. Ayaw niya ring bigyan nang pakahulugan ang mga ginagawa nitong bagay sa kanya. Kaibigan niya ito. Matalik na kaibigan. Hindi niya sisirain ang pagkakaibigang iyon dahil lamang nagkagusto siya kay Oswaldo.
“Nilalamig na ako. Matulog na siguro tayo, Oswaldo.” aniya. Nag iwas rin siya ng tingin. Dama niya ang pag iinit ng kanyang pisngi at ipinapanalangin na lamang niya na ang liwanag mula sa kaharap na bonfire ay itinatago iyon.
“Sige, ibabalik ko lang itong ukelele tapos ililigpit itong pinagkainan natin.” anito.
“Tutulungan na kita.” presenta niya. Mabilis niyang tinipon ang kanilang pinagkainan habang ito naman ay tumayo upang ibalik ang hiniram nitong ukelele. Pansin niyang parang natigilan din ito kanina sa hindi niya malamang dahilan. Hindi na siya nag ungkat pa.
Pagkabalik ni Oswaldo ay pinatay nito ang apoy ng kanina ay pinag ihawan nila na naging bonfire at tinulungan siyang magligpit. Nauna siyang pumasok sa loob ng kanilang tent at nahiga. Sumunod rin naman ito at ito na ang nagsarado ng kanilang tent. Nag init ang kanyang pisngi nang makita itong hubarin ang suot na pang itaas bago nahiga sa kanyang tabi.
“Hindi ka nalalamigan, Oswaldo?” tanong niya. Balot na balot kasi siya. May jacket, naka-pajama, may medyas at may kumot pa pero dama niya pa rin ang lamig.
“Hindi naman.” tugon nito at itinaas ang kumot hanggang sa dibdib. Nakadama siya nang pagkadismaya. “Bakit? Nilalamig ka ba?” tumagilid ito nang higa at humarap sa kanya. Ilang dangkal ang layo ng kanilang mukha pero nag iinit pa rin ang kanyang pisngi at nagtatambol sa hindi maipaliwanag na rason ang kanyang dibdib.
“Ayos lang naman.”
“Wala ka kasing masel sa katawan kaya nilalamig ka kaagad.”
“Hindi naman kasi ako kagaya sa iyo na mahilig sa sports at aktibo.” ganti niya. Atsaka bata pa lamang talaga sila nito ay lampahin na siya kaya hindi pumasok sa kanyang isip na pumasok sa kahit na anong sport.
“Pero ayos na iyan, Blaine. Mas bagay sa iyo na slim lang.” anito at biglang tumawa.
“Ano namang nakakatawa, Oswaldo?” naniningkit ang mata niyang tanong dito. Dama niya ang pagpula ng buong mukha.
“Wala. Hindi ko lang maisip na malaki ang katawan mo.” anito at mas lumakas ang pagtawa. “Isipin mo may masel at abs ka.”
Naasiwa siya sa naisip. “Ewan ko sa’yo. Kuntento na ako sa ganitong katawan.”
“Biro lang.” anito at itinigil ang pagtawa. “Kung nilalamig ka, lumapit ka lang sa akin at para pagsaluhan na lang natin ang dalawang kumot.”
Mas nag init ang kanyang mukha. “Matulog ka na nga diyan.” tinalikuran niya ito para itago ang mukha na kasing pula na ng hinog na kamatis. Ipinikit niya ang mata pero ang mukha pa rin ni Oswaldo ang kanyang nakikita.
“Good night, Blaine.” anito.
Halos kalahating oras pa ang lumipas bago kumalma ang kanyang damdamin sa kaba at kilig na nadarama. Nahihirapan rin siyang makatulog lalo pa’t alam niyang ilang dangkal lamang ang layo nito kagaya noong nakaraang magsalo sila nito sa kanyang higaan. Rinig niya ang banayad nitong paghinga tanda na mahimbing na ang tulog nito. Gusto niya itong lingunin upang masilayan ang gwapo nitong mukha pero baka mas mahirapan siyang makatulog kung kaya’t ipinikit na lamang niya ang mga mata at sinubukang matulog.
Ilang minuto pa ang lumipas at tuluyan na siyang nakatulog.
Nagising siya sa kakaibang lamig na nanunuot sa kanyang buong katawan. Rinig niya ang banayad na pagtama ng patak ng ulan sa itaas ng kanilang tent na siyang rason kung bakit mas lumamig sa malamig nang camsing site. Itinaas niya ang kanyang kumot para maibsan ang lamig ngunit hindi iyon tumalab. Sinubukan niya ring bumaluktot ng higa na para siyang sanggol sa sinapupunan pero wala pa rin.
“Blaine?”
Inalis niya ang kumot sa mukha at nakita si Oswaldo. Sigurado siyang nagising ito dahil sa kanyang mga pag galaw.
“Nilalamig ka?” tanong nito.
Tumango siya. Nahihiya man, ayaw naman niyang manigas sa lamig.
“Halika rito.” anyaya nito at itinaas ang kumot.
Nilunok na lamang niya ang lahat ng hiya at pag aalinlangan na nararamdaman at lumapit sa tabi nito. Para siyang bata na sumiksik sa tabi nito at dinama ang init na bigay ng katawan nito. Niyakap siya nito at komportable niyang idinikit ang mukha sa dibdib nito. Amoy niya ang sabon at cologne nito na humahalo sa natural nitong amoy. Hindi niya maipaliwanag ngunit dama niyang ligtas siya sa bisig nito kung maaari lamang sanang makulong siya doon gabi-gabi ngunit alam niyang pagmamalabis na ang kahilingang iyon.
NAGISING siya at ang gwapong mukha kaagad ni Oswaldo ang kanyang nabungaran. Nakatitig lang ito sa kanya gamit ang kulay-kape nitong mata. Mabilis na nag init ang kanyang mukha. Sobrang lapit ng kanilang mga mukha. Nakaunan siya sa braso nito habang ang kanyang isang kamay ay nakalapat sa dibdib nito. Para siyang mapapaso sa init ng balat nito ngunit hindi niya maialis ang palad sa matipuno nitong katawan. Nakadantay rin ang isa nitong binti sa kanyang binti.
Kanina pa ba ito gising? Hindi niya naiwasang tanong sa sarili. Papaano kung kanina pa ito gising at nakatitig sa kanya? Agaran siyang binalot ng hiya. Kinapa niya ang bibig at baka may muta siya at natuyong laway. Sa kabutihang palad ay wala.
“Magandang umaga, Blaine.” bati nito. Mas malalim ang boses nito sa umaga, halatang bagong gising.
“Kanina ka pa gising?”
“Bago pa lang. Ayaw kong bumangon at baka lamigin ka na naman atsaka maaga pa. Siguradong hindi pa gising ang iba.” anito.
Pasimple niyang inalis ang kamay sa dibdib nito. Naiinis siya sa sarili dahil parang hinahanap kaagad ng kanyang palad ang init ng balat nito. “Salamat nga pala kagabi.” nahihiya niyang usal.
“Wala iyon. Nakaramdam rin ako ng lamig at mabuti na lang talaga ay tumabi ka sa akin. Para kang isang malaking unan. Sarap mong yakapin.” anito at ngumiti.
Siya rin namang pag init ng kanyang mukha sa kilig.
“Gusto mo nang mag almusal?”
Umiling ito. “Mamaya na.” nabigla siya nang yakapin siya nito dahilan para muli siyang makulong sa mga bisig nito. “Ako naman ang nilalamig ngayon kaya payakap ako.”
Sobra-sobrang kilig ang kanyang nadarama. Muli niyang naramdaman ang pagdadaga sa kanyang dibdib at ang libo-libong paruparo sa kanyang sikmura. Tanging si Oswaldo lamang ang may epekto sa kanya nang ganun.
Pulang-pula na ang kanyang mukha nang matakas sa yakap nito. “Paanong hindi ka lalamigin eh nakahubad-baro ka.” saway niya dito.
“Gusto mo naman ‘di ba?”
“Huh?” nanlalaki ang mata niyang untag. Oo gusto niya pero hindi niya iyon aaminin.
“Nainitan ka kagabi dahil sa katawan ko.”
“Ewan ko sa’yo. Tatayo na ako. Anong gusto mong inumin? Mainit na tubig naman iyong laman ng insulated mug mo ‘di ba?” tanong niya at bumangon. Ginapang niya palapit ang lalagyan nila ng pagkain.
“May protein drink ako diyan. Paki-timpla na lang, Blaine. Salamat.” anito at kinuha ang ginamit niyang unan at niyakap iyon. Prente pa rin itong nakahiga at parang walang balak na bumangon. “May training kami mamaya.”
“Pagkatimpla ko ay bumangon kana ah.”
“Okay, mama.”
Napakunot ang kanyang noo at naningkit ang mga mata. “Hoy Oswaldo! Anong mama pinagsasabi mo diyan.”
“Para ka kasing si mama kung magpabangon sa akin.” natatawa nitong usal.
“Sigurado akong nangungunsumi sa iyo si tita kada umaga.” aniya bago kinuha ang termos at dalawang tasa.
“Hindi kaya.” tanggi nito. “Ako nga raw ang pinaka mabait nilang anak eh tapos si kuya OJ ang pinaka nagpasakit sa kanilang mga ulo ni papa.”
Napailing na lang siya bago lumabas ng kanilang tent. Papasibol pa lang ang araw pero maliwanag na ang kulay asul na kalangitan. Gising na rin ang ilan sa kanilang mga schoolmate at nagsisimula nang mag handa ng almusal.
Hindi rin nagtagal ay lumabas na si Oswaldo sa kanilang tent. May suot na itong t-shirt at hindi iniinda ang lamig. Tumabi ito sa kanya sa at iniabot niya rito ang tinimpla niyang inumin nito. Iyon ang unang beses na ipinagtimpla niya ito ng protein drink. Alam naman niyang iyon ang iniinom nito lalo na kapag may training pero hindi siya nabibigyan ng pagkakataon na ipagtimpla ito. Maging pagkain ay hindi pa niya ito naipagluluto.
“Salamat.” anito bago kinuha ang inumin at uminom doon. “May hiking kami mamaya para sa aming stamina at leg training. Gusto sana kitang isama, Blaine kaso baka hindi mo kayanin ang trail.”
“Ayos lang. Dito na lang ako atsaka may mga activity naman kami mamaya.” aniya at sumimsim rin sa hawak na mainit na tsokolateng inumin. “Naihanda mo na ba ang mga dadalhin mo?”
“Oo, naka hiwalay na iyon.”
Tumango na lamang siya. Matapos nilang maubos ang kanilang mga inumin ay naghanda na sila ng kanilang almusal. Sinabihan na rin sila ng kanilang camp master na maligo pagkatapos kumain.
Napabuntong hininga siya. Hindi niya talaga gusto ang paliligo tuwing may camping sila. Bukod sa sabay-sabay sila kung maligo sa isang communal shower at medyo limitado ang privacy, naasiwa rin siya na makakita ng hubad na katawan at mas hindi niya kaya na mag hubad.
“Sabay na tayong maligo, Blaine.” anyaya sa kanya ni Oswaldo.
“Ayoko. Magpapalit na lang siguro ako ng damit sa tent natin at doon maglilinis ng katawan.” tugon niya.
“Bakit naman?”
“Basta. Ikaw na lang ang maligo.”
“Sige.”
Kumuha muna ito ng sabon at shampoo at tuwalya bago umalis. Tanaw niya na kasabay nito ang ilan sa mga teammate nito na naglakad patungo sa kanilang make-shift na paliguan. Hindi niya talaga magawa na sumabay sa paliligo sa iba. Hindi naman siya nahihiya sa kanyang katawan pero nako-conscious lang talaga siya.
Iniligpit niya ang kanilang pinagkainan ni Oswaldo at sinamantala na wala ito upang makapagbihis ng suot na damit. Iniayos niya na rin ang kanilang higaan at ibang mga gamit sa loob ng kanilang tent. Pagbalik ni Oswald ay nakatapis lamang ito ng tuwalya sa bewang. Napakagat siya ng labi. Saglit niya lamang na napasadahan ng tingin ang katawan nito pero nag init kaagad ang kanyang mukha. Hindi niya maitatanggi na maganda ang katawan nito na dahil sa pagiging aktibo na bumabagay sa moreno nitong balat.
“Lalabas muna ako.” aniya.
“Bakit?”
“Natural at magbibihis ka.” napapataas ang kilay niyang tugon.
“Nakakalimutan ko kasi minsan na dalaga ka nga pala.” natatawa nitong usal.
Nag iinit ang mukha siyang lumabas. Naamoy pa niya ang sabon nito nang lagpasan. Amoy Safeguard na kulay puti. Kulang na lamang ng Johnson’s baby cologne na kulay blue at amoy Oscar Waldo Torrero na ito. Amoy na pamilyar na pamilyar na sa kanya.
Paglabas nito sa kanilang tent ay nakasuot na ito ng pang hiking at may bagpack sa likod. “Baka hapon na kami makabalik, Blaine.”
“Mag iingat ka, Oswaldo.”
Ngumiti ito sa kanya. “Oo naman. Ikaw rin dito.”
Tinawag na ito ng mga teammate nito. “Bye, Blaine.” muli nitong paalam bago kumaway sa kanya at humabol sa mga kasama nito.
Buong araw rin siyang naging abala sa kanilang mga activity. Puro mga patungkol sa survival skills ang mga iyon. Medyo nalungkot lang siya na natalo ang grupo nila sa mga palaro pero sigurado silang maipapanalo nila iyon kung nandoon lamang sana si Oswaldo.
Nahihiya man siyang aminin pero na-miss niya ito. Napaisip tuloy siya papaano kung dumating ang araw na ikinatatakot niya. Kakayanin kaya niyang mawalay dito ng ilang taon? Pareho silang may gustong abuting mga pangarap pero magkaiba ang direksyon ng mga talang kanilang sinusundan. Mag a-Amerika ito habang siya ay mananatili sa Pilipinas.
Muli niyang naramdaman ang kakaibang kirot sa kanyang dibdib.
Ganun pa man, maghihintay siya. Panghahawakan niya ang mga salita nito. Magiging propesyonal pa itong manlalaro ng football at siya ang magiging manager. Aabutin nila ang mga pangarap na iyon. Isasantabi niya ang nararamdaman para sa kaibigan, atsaka na lamang niya iyon poproblemahin kapag pareho na nilang nakamit ang mga gusto sa buhay.
Napabuntong hininga siya.
HAPON na nang makabalik si Oswaldo. Malawak ang ngiti nito nang makita siya. Pinilit niyang huwag mapangiti sa tuwa pero hindi niya kayang pigilan ang pamumula ng kanyang mga pisngi sa kilig. Agad nitong tinakbo ang kanilang pagitan. Medyo maputik ang ibabang parte ng katawan nito.
“May ibibigay ako sa’yo, Blaine.” anito at inilapag ang bagpack sa kanyang harap at kinalkal ang bag. Kinuha nito mula sa loob ang isang kumpol ng iba’t ibang klase at kulay ng mga bulaklak. “Para sa’yo.” sabay abot sa kanya ng mga iyon.
Napakagat siya ng labi. Dama niya ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Gusto niyang sumigaw sa matinding kilig na nararamdaman. “Salamat,” tipid niyang ani at kinuha iyon. Gusto niya itong tanungin kung bakit ganoon na lamang ito kung pakiligin siya.
“Nahuhulog ako, Oswaldo! Nahuhulog ako sa’yo.” gusto niya iyong isigaw sa kaibigan pero wala siyang lakas ng loob.
“Walang anuman.” tugon nito. “Nadaan ko ang mga iyan pabalik. Naisip kong baka gusto mo rin ang mga bulaklak kagaya ni mama. Hindi maganda ang pagkaka-ayos pero sana nagustuhan mo.”
“Sobra.”
“Talaga?” nagliwanag ang mukha nito.
Tumango siya. Nahihirapan siyang magsalita. Natatakot siya at baka pumiyok siya sa sobra-sobrang emosyon na nadarama nang sabay-sabay. Masaya, kinikilig, naguguluhan, at kung anu-ano pa.
“Simula ngayon bibigyan na kita ng bulaklak kapag may okasyon.”
“Huwag na.” pag tanggi niya.
“Wala nang bawian.” pinal nitong usal. “Maghuhugas na muna ako ng katawan at magpapalit ng damit. Sabay ulit tayong mag ihaw ng hapunan natin. Ayos ba, Blaine?”
Ngumiti siya. “Ayos na ayos, Oswaldo.”
Umalis na ito dala ang bagpack patungo sa paliguan. Sinimulan naman na niyang mangalap ng mga sanga ng punong kahoy na gagamitin para sa pag iihaw. Pag balik ni Oswaldo ay nagbihis muna ito sa kanilang tent bago siya dinaluhan. Dala na nito ang kanilang mga gagamitin at iihawin.
Magkatabi sila nito na nakaharap sa iniihaw. Ito ang nagpapaypay habang siya ang nagbabantay at nagiikot sa barbecue. Halos kalahati na ang kanilang naluluto nang dumating ang tatlo sa mga kasama ni Oswald sa football team ng kanilang school. Kilala niya ang mga ito at kilala rin naman siya ng tatlo.
“Oy, mukhang masarap iyang iniihaw nyo, Wald ah.” ani Jude, iyon ang goalkeeper ng kanilang soccer team. “Amoy nga namin mula sa malayo.”
“Oo, masarap ito.” tugon ni Oswaldo.
“Pwede kaming makisalo. May dala kaming pagkain.” ani Luke naman. Midfielder ng team.
Tahimik lang ang isa nilang kasama. Si Jester. Kahit naman noon ay pansin na niyang tahimik iyon. Hindi nagsasalita kung hindi kinakausap pero ang tatlo ang malapit sa kanyang kaibigan. Kapag wala siya ay ito ang madalas na kasama ni Oswaldo ayon na rin sa mga kwento nito.
“Kay Blaine kayo magpaalam.” ani Oswaldo kaya nabigla siya.
“Pwede ba, Blaine?”
“Oo. Sige.” naitugon na lamang niya sa pagkakataranta.
Naupo ang tatlo palibot sa iniihaw nila. May mga dalang baunan ang mga iyon at may lamang pagkain. Sigurado siyang kaninang umaga pa ang mga kanin na dala ng tatlo.
“Gusto mong tulungan ka namin, Blaine?”
“Huwag na kayong makialam. Mamaya pumangit pa lasa nitong iniihaw namin.” pagsingit ni Oswaldo. “Pumirme lang kayo diyan at manood.”
“Grabe ‘Wald ah. Sanay ka na ata sa pag iihaw.”
“Oo naman. Ito gagawin namin ni Blaine kapag nagkataon.” natatawang usal ni Oswaldo habang siya naman ay namula sa kilig. “‘Di ba, Blaine?”
“Yun oh.” pagsingit ni Luke.
“Huwag kayong maniwala diyan kay Oswaldo.” aniya na lamang.
Takipsilim na nang matapos sila sa pag iihaw. Muli silang gumawa ng bon fire at sa tabi niyon ay nagsalo sila ng pagkain. Sabay na inilahad ni Oswaldo at Jester sa kanya ang mga plato ng mga ito. Napakagat labi siya. Hawak niya ang lalagyan ng barbecue. Inuna niya na bigyan si Jester at baka isipin ng mga ito na pinapaboran niya si Oswaldo. Baka isipin ng mga ito na may gusto siya sa kaibigan. Meron naman pero alam niyang may hinala na ang mga ito, ayaw niya lang dagdagan.
Sunod niyang binigyan si Oswaldo. Hinati niya lang sa kanilang apat ang mga inihaw.
Habang kumakain ay si Jude at Luke ang nanguna sa pagkukwento. Kwela at bolero ang dalawa kaya paminsan minsan ay natatawa siya. Si Jester ay tahimik lang pero ngumingiti rin. Nakakatinginan niya rin ito pero nag iiwas kaagad siya ng tingin. Pero ang gumulat sa kanya ay ang pagiging tahimik ni Oswaldo. Hindi ito kumikibo at nakapokus lamang sa pagkain.
Wala siyang ideya kung bakit biglang sumama ang timpla nito. Naninibago siya.
“Gusto mo pa, Oswaldo?” tanong niya rito. May sobra pa kasi sa kanya at hindi naman niya kayang ubusin iyon.
“Bigay mo kay Jester baka gusto niya.” anito pero nahihimigan niya ang itinatagong galit doon. Ilang taon na silang magkaibigan kaya alam na niya ang timbre ng boses nito. “Busog na ako.” pahabol nito.
Napakunot ang kanyang noo. May ikinagagalit ito pero hindi niya mapunto kung ano. Napabuntong hininga siya. Naisip niyang baka pagod lang ito sa hiking kaya bad mood. Nalilito siya dahil maayos naman ang mood nito kanina, may pa bulaklak pa nga eh.
“Jester, gusto mo pa?” alok niya na tinanguan naman nito kaya ibinigay niya.
“Matutulog na ako.” ani Oswaldo at biglang tumayo. Wala itong kibo na pumasok sa kanilang tent.
Natigilan silang tatlo. “Anong nangyari kay Oswald?”
“Pagod lang siguro.” tugon niya. Matapos kumain ng tatlo ay siya na ang nagpresentang magligpit ng mga ginamit.
“Tulungan na kita.” presenta ni Jester.
“Mauna na kami ni Luke ah.” ani Jude at umalis na ang dalawa.
Naiwan sila ni Jester. Sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. “Ako na siguro ang magpapatay ng apoy.”
“Sige. Ako na ang bahala dito.” aniya at tinutukoy ang mga metal skewer at ang mga lalagyan ng barbecue. Habang tahimik na nagliligpit ay napalingon siya sa kanilang tent at bumukas iyon. Bumungad sa kanya ang seryosong mukha ni Oswaldo.
“Pumasok kana dito, Blaine.”
“Sandali, liligpitin ko lang ito.” aniya.
“Pumasok kana dito.” madiin ang pagkakasabi nito. Natigilan siya at napakagat labi. Kahit na hindi pa siya tapos sa pagliligpit ay tumayo na siya. Halos hindi na siya nakapag paalam kay Jester.
Walang salita siyang pumasok at itinabi sa gilid ang mga hawak. Isinarado niya ang kanilang tent at hinarap si Oswaldo. “May problema ba, Oswaldo?”
“Oo meron, Blaine. Gusto ko na ako ang lagi mong inuuna at gusto ko na sa akin lang ang atensyon mo.” seryoso nitong usal na nagpatigil sa kanya.
“Anong ibig mong sabihin?”
Itutuloy …
I think I should focus now in HOY OSWALDO! hahaha. ❤️
Advice to Blaine: Beh, Torrero iyang kaharap mo. Ingat-ingat sa pagpapaselos. 🤣
PART 9
PART 9
Blaine
“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhan niyang tanong dito.
“Ikaw ang pinaka matalik kong kaibigan at ayokong may kahati sa’yo o sa atensyon mo.” seryoso nitong usal. Dama niyang galit pa rin ito ngunit hindi sa kanya. “Hindi ba’t magiging manager pa kita? Na lagi kang nasa tabi ko sa bawat yapak na gagawin ko sa pag abot niyon.”
Mataman itong nakatitig sa kanya. Gusto niyang mag iwas ng tingin ngunit hindi niya magawa kaya hinahayaan niya na lamang na mawala sa kulay-kape nitong mga mata. Bumuntong hininga siya. “Gagawin ko naman iyon eh at hindi ko babaliin ang pangakong iyon.”
Lumambot ang ekspresyon nito at may mumunting ngiti na pumorma sa mga labi nito. “Eh bakit inuna mo si Jester kesa sa akin? May gusto ka ba sa kanya, Blaine?”
Halos malaglag ang kanyang panga sa sahig sa kawalang-paniwala. May gusto kay Jester? Eh kaya niya nga inuna ang lalaki ay dahil ayaw niyang isiping ng mga kaibigan nito na may gusto siya kay Oswaldo. Atsaka hindi rin siya makapaniwala na nag amok ito dahil doon. Napailing siya sa kanyang isip.
Teka, nag seselos ba ito? Muli siyang napailing. Sigurado siyang hindi lamang ito sanay na may kahati sa mga bagay lalong-lalo na sa pagkakaibigan nila dahil simula pa man noon, laging silang dalawa na ang sanggang dikit.
“Wala akong gusto kay Jester.”
“Dapat lang.” tugon nito at tuluyan nang ngumiti. “Ipangako mong ako lang lagi ang uunahin mo, Blaine. Na sa akin lang ang atensyon mo.”
Tumango siya. Gusto niya ring hingin ang katulad na bagay mula sa kanyang kaibigan. Gusto niya ito pangakuin na siya lang rin ang lagi nitong uunahin at sa kanya lang ang atensyon nito pero wala siyang lakas ng loob kaya itinikom na lamang niya ang bibig.
“Pasensya ka na, Blaine.”
“Para saan naman?”
“Na nagselos ako. Akala ko kasi may magiging kahati na ako sa pinakamatalik kong kaibigan. Hindi ko pala kaya na may kahati sa’yo.” buong tapat nitong usal.
Yumuko siya para itago ang pag iinit ng kanyang pisngi. Napakagat labi rin siya upang pigilin ang pag ngiti. Kinikilig siya. Natutuwa siyang malaman na ayaw nito na may kahati sa kanya. Hindi man iyon sa romantikong paraan, kinikilig pa rin siya sa mapang-angkin nitong katangian pagdating sa kanya.
“Baliw. Kaya naman pala bigla ka na lang nag amok kanina at hindi kumibo.”
Napatawa ito. Natatawa na rin sa mga kabaliwan nito. “Nagugutom pa tuloy ako ngayon. Dapat pala inagaw ko kay Jester iyong ibinigay mong barbecue.”
Napailing na lang rin siya at napatawa. “May cup noodles tayong dala at may mainit pa sa thermos. Sandali at kukunin ko para makakain ka.” aniya at agad na inabot ang lalagyan ng kanilang pagkain at inihanda ang instant noodles. Matapos malagyan ng mainit na tubig ang cup noodles ay tinakpan niya iyon at sandaling itinabi. Matapos ang ilang minuto ay inabot na niya ito kay Oswaldo kasama ang isang tinidor.
“Maraming salamat, Blaine.” nakangiti nitong ani. Sandaling nagdikit ang kanilang mga kamay pero may mumunting boltahe ng kuryente ang dumaloy doon mula kay Oswaldo patungo sa kanya. “Tabihan mo na ako dito.”
Iyon ang kanyang ginawa. Gumapang siya patungo sa kanyang higaan at naupo kaharap ito. “Ikaw na lang ang magtabi niyang pinagkainan mo pagkatapos.”
“Huwag kang mag alala, ako na ang bahala. Salamat ulit, Blaine.” anito at kumain. Habang ngumunguya ay muli nitong ibinalik ang tinidor sa cup na hawak at inikot-ikot iyon. Nang makakuha ito ng noodles ay inihipan muna nito iyon bago inalok sa kanya. “Ah…” pagpapabuka nito ng kanyang bibig.
Nag iinit ang pisngi siyang umiling. “Busog pa ako.”
“Ah…” muli nitong usal kaya wala na siyang nagawa at ibinuka ang bibig para kainin ang inalok nito. “Hatian mo ako dito para magkalaman ka naman.”
“Ubusin mo na lang iyan. Busog na talaga ako, Oswaldo.” pag tanggi niya. Baka himatayin na kasi siya sa kilig na nararamdaman niya. Ayaw nang tumigil sa pagkalabog ang kanyang dibdib at pakiramdam niya ay permanente na ang pag iinit ng kanyang mga pisngi tuwing kaharap ito. Ilang taon na siyang may lihim na pagtingin kay Oswaldo pero mas lalo lamang iyong lumalakas sa paglipas ng panahon.
“Bahala ka.”
Inubos na nito ang kinakain bago iyon itinabi. Uminom rin ito ng tubig pagkatapos.
Muli siyang nag iwas ng tingin nang hubarin nito ang pang itaas na damit. Tumabi ito sa kanya at humarap. “Blaine.”
“Oh?” tugon niya at nilingon na rin ito. Nag init ang kanyang pisngi nang mabungaran itong nakatitig sa kanya. Napaka-gwapo nito at walang magkakaila niyon pero alam niya sa kanyang sarili na hindi iyon ang rason kung bakit nagkagusto siya kay Oswaldo.
“May natitipuhan ka na bang lalaki?”
Napalunok siya. “Bakit mo naman natanong?” balik niyang tanong kesa sa sagutin ito.
“Wala lang. Ayoko kasing magka-boyfriend ka.” natatawa nitong usal habang siya naman ay pulang-pula na ang mukha. “Ligawan na lang kaya kita para hindi ka na tuluyang magka-boyfriend? Payag ka ba?”
Halos mahigit ang kanyang hininga sa tanong nito. Parang gusto nang kumawala sa kanyang dibdib ang kanyang puso sa kaba, eksaytment, kilig, at tuwa. Nahihilo siya sa halo-halong emosyon at malakas na bugso ng damdamin. Gusto niyang sumagot ng oo. Pangarap niya ang maligawan nito pero hindi niya matatanggap ang rason nito. Ayaw niyang ligawan siya nito para lang bakuran.
“Tumigil ka nga, Oswaldo.” aniya at inirapan ito. “Kung anu-ano ang pinagsasabi mo. Kulang ka lang sa tulog.”
Tumawa ito. “Baka nga. Napagod ako sa hiking namin kanina.”
“Halata naman eh.”
“Sigurado ka na na ayaw mo talagang magpaligaw sa akin?” muli nitong tanong pero sa pagkakataong iyon ay sa nagbibiro nang tono. Iyon ang Oswaldo na nakasanayan niya. Mapagbiro at alaskador.
“Hoy Oswaldo! Matulog ka na nga.” namumula ang pisngi niyang usal. Hindi niya napigilang mapangiti at sinabayan na lang ang pagbibiro nito.
“Last chance mo na magka-boyfriend ng isang Torrero.”
“Ayoko.”
“Kahit na suhulan kita ng mga luto ni mama? Isang gwapong Torrero tapos isang taon na supply ng luto ni mama. Payag ka na?”
Umakto siya na napaisip. “Ayoko pa rin.”
Pareho silang napahagalpak nang tawa. Ilang minuto rin ang lumipas bago humupa ang kanyang pagtawa. Iyon ang isa sa mga rason kung bakit ayaw niyang isugal ang kanilang pagkakaibigan para sa kanyang nararamdaman para kay Oswaldo. Natatakot siyang baka mawala ang koneksyon nilang iyon. Napaka espesyal niyon at binuo nila iyon ng ilang taon ng pagkakaibigan at natatakot siya na oras na hindi umubra ang kanilang relasyon ay mahihirapan o baka hindi na sila makabalik sa dati.
“Matulog ka na, Oswaldo.”
“Tumabi ka na sa akin.” anito at muli siyang inalok na tumabi rito ng higa. Hindi na siya nag alinlangan pa at umusog palapit rito. Nang malakalapit siya ay nilukob siya nito ng yakap dahilan para muli siyang makulong sa bisig nito.
Napapikit siya nang muling madama ang mainit nitong yakap at nang muling maamoy ang naghalo-halo nitong pawis, sabon, at pabango sa balat nito. Komportable niyang isiniksik ang sarili sa katawan nito at ibinuro ang mukha sa dibdib nito.
“Good night, Blaine.”
Hindi na siya nakatugon pa dahil mabilis siyang nakatulog sa tabi nito. Alam ng kanyang isip na ligtas siya sa bisig nito at kinokomporte rin siya ng kanyang puso dahil nasa piling siya ng pinakaaasam na tao.
KINAUMAGAHAN ay nagising siya na nakayakap pa rin sa katawan ni Oswaldo habang ito naman ay nakatihaya ng higa. Mabilis siyang napangiti at nag iinit ang buong mukha. Babalik na sila mamayang tanghali pero hindi niya maitatanggi na ito ang kanyang pinakapaboritong annual camp ng kanilang paaralan. Nahihirapan mang bumangon dahil para siyang hinihila ng katawan nito, pinilit pa rin niya ang kanyang sarili.
Wala itong nabanggit na may training ito kaya naman tinimplahan na lamang niya ito ng tsokolateng inumin na may kapares na tinapay na sigurado siyang mama ni Oswaldo ang naghanda. Ginising na niya ito kalaunan sa pagtawag sa pangalan nito.
“Oswaldo gising na.”
“Unghhh…” pag ungot lang nito at umayos lang ng higa. Napatawa siya. Sigurado siyang nahihirapan rin ang tita Ethan niya na gisingin ito tuwing umaga.
“Oswaldo, mag almusal na tayo.”
“Gusto ko pang matulog.” anito.
“Baliw, lalamig na ang inumin mo kaya bumangon kana diyan.”
Muli itong napaungot bago bumangon. Kinuha nito ang t-shirt at isinuot. Sabay sila nitong lumabas ng kanilang tent. Magkatabi silang naupo sa isang troso ng natumbang puno habang ininom ang mainit na tsokolate at sabay na pinapanood ang pagsikat ng araw. Wala siyang maipintas sa ganda ng tanawin. Mas gumanda pa iyon sa isiping kasama niya si Oswaldo.
Matapos nilang mag almusal ay naligo na ito at siya naman ay naglinis ng katawan sa loob ng kanilang tent. Maliligo na lang siya sa kanilang bahay pag uwi dahil hindi niya talaga kaya na maligo sa communal shower kasabay ng iba nilang schoolmate. Nang kapwa na sila nakapagbihis ay magkatuwang sila na iniligpit ang kanilang mga gamit at tent. Gaya noong unang araw, siya ang nagdala ng mga magagaan na gamit at si Oswaldo ang sa mga mabibigat.
Muli silang bumaba ng camping site at nang makarating sila sa drop off station ay sumakay na sila sa bus. Nauna siyang umakyat sa loob ng bus habang si Oswaldo naman ay inilagay sa compartment ng bus ang kanilang mga gamit. Nang makaupo siya sa malambot na upuan ng bus ay doon niya naramdaman ang pagod. Ngalay ang kanyang magkabilang binti sa haba ng nilakad. Sigurado siyang iindahin niya iyon bukas at nagpapasalamat siya na wala silang pasok bukas.
Ilang sandali lang ay dinaluhan na siya ni Oswaldo. May dala itong supot ng mga kakanin na binili nito sa maliit na tindahan sa gilid ng drop off station. May dalawang bote rin ng tubig doon.
“Kain tayo nito. Masarap siguro itong suman.” anito nang makaupo sa kanyang tabi. Kumuha ito ng isang suman at binalatan iyon. Kumagat ito at tumatango habang nginunguya ang suman. “Masarap nga. Tikman mo.”
Kumagat rin siya. “Masarap nga.”
Inabutan siya nito ng isang piraso. Medyo nadismaya siya dahil akala niya ay maghahati sila sa isa. Tahimik na lamang siyang kumain sa tabi nito. Umandar na rin kalaunan ang kanilang sinasakyang bus at nabigla siya nang sumandal sa kanya si Oswaldo at idinantay nito ang ulo sa kanyang balikat. Ilang sandali lang ay rinig na niya ang banayad nitong paghinga kaya hindi na niya ginising pa. Sigurado siyang napagod ito sa pagbitbit ng kanilang mga gamit.
Buong biyahe itong nakatulog sa kanyang tabi. Medyo nangangalay na nga siya dahil sa bigat nito pero ayaw niyang istorbohin ang tulog nito kaya tiniis na lang niya. Nang makarating sila sa kanilang school ay tanghali. Doon na niya ito ginising sa pamamagitan ng pagtapik sa braso nito. “Oswaldo, nandito na tayo.”
“Mmmm…” malalim nitong pag ungot pero gumising rin at inikot ang paningin sa paligid. “Nakatulog ako buong byahe?” tanong nito.
Napangiti siya. “Oo.”
“Nakalimutan kong tawagan si Mama para sunduin tayo.” anito at agad ring dinukot ang cellphone sa bulsa. “Ma, nandito na kami ni Blaine. Pakisundo na lang po kami. Medyo masama ang pakiramdam ko, ma.”
Mabilis siyang napalingon kay Oswaldo at kinapa ang noo nito. Mainit nga ito.
“Sige, ma. Bye. I love you rin.” iyon lang at ibinaba na nito ang tawag at humarap sa kanya.
“Nilalagnat ka, Oswaldo.” nag aalala niyang usal. Bibihira kasi kung magkasakit ito. Sa tagal nilang magkaibigan, siya ang laging binibisita nito sa kanilang bahay kapag may lagnat siya.
“Nasobrahan lang siguro ako sa pagod.” anito at nagawa pang ngumiti sa kanya.
“Sandali, bababa ako para bumili ng paracetamol.” aniya at tatayo na nang pigilan nito.
“Huwag na, Blaine. Magpapahinga na lang ako mamaya sa bahay.” anito at hinawakan siya sa palapulsuhan. “Kulang lang siguro ako sa pahinga.”
“Sabi ko kasi sa’yo na hayaan mong tulungan kita sa pagdala ng mga gamit natin eh.” muli niyang kinapa ang noo nito at leeg.
“Alam mong lagot ako kay papa kapag nalaman niyang pinagbuhat kita ng mabigat atsaka kaya ko naman eh.” dahilan nito.
“Baliw ka talaga. Tingnan mo, nilalagnat ka ngayon.” usal niya.
Sila ang huling bumaba sa bus. Naghintay sila sa tabi ng gate ng kanilang eskwelahan kung saan may lilim. Malakas ang duda niya na baka na overfatigue ito sa maghapon nitong hiking at ito pa ang nagbitbit ng kanilang mga gamit. Nag aalala siya. Bibihira kasi talaga ito kung magkasakit at hindi rin naman ito nagsasabi sa kanya. Ngayon ang unang beses.
“Nagpapaka-superman ka kasi eh.” aniya at muling sinuri ang init nito.
“Andiyan na sila mama.” anito at tumigil nga sa kanilang harap ang sasakyan ng mga ito. Naunang bumaba ang ina ni Oswaldo at agad na kinapa ang noo at leeg nito. “May lagnat ka nga.”
“Magandang tanghali po, tita Ethan.”
“Magandang tanghali rin, Blaine.” bati nito sa kanya pabalik at muling humarap kay Oswaldo. “Pumasok na kayo sa sasakyan. Ang papa mo na lang ang kukuha ng gamit niyo sa bus. Saan ba ang sinakyan nyo?”
Siya na ang nagturo sa mag asawang Torrero bago sumama kay Oswaldo papasok sa loob ng sasakyan. Pansin niyang wala ito sa mood at medyo matamlay kaya hinayaan na lamang niya.
“Gusto mong sumama sa amin sa bahay, Blaine para sumabay mag tanghalian? Sakto ay may sabaw ang niluto kong ulam ngayon.” tanong sa kanya ng kanyang tita Ethan nang makabalik ang mga ito at mailagay sa likod ang kanilang mga gamit.
Umiling siya. Gusto man niyang sumama at para masiguro rin na okay na si Oswaldo ay hindi niya magawa. Kailangan pa niyang magpakita sa kanyang mama at maligo na rin. “Hindi na po, tita. Sa bahay na lang po ako bababa.”
Nilingon niya si Oswaldo at nakitang nakatulog na naman ito.
Ibinaba siya ng mag asawang Torrero sa kanilang bahay. Hindi na siya nagpaalam kay Oswaldo dahil natutulog ito. “Bye po tito and tita.” paalam niya sa mag asawa at kumaway lamang ang mga ito pabalik sa kanya.
Pagpasok niya sa kanilang bahay ay binati siya ng kanyang mama. Nag mano siya at saglit silang nag usap habang nag sasalo sa kanilang pananghalian. Matapos makapag pahinga ay naligo na siya. Tinagalan niya talaga ang paliligo at sinigurong nasabon at nakuskos ang bawat singit ng kanyang katawan. Sinulit niya ang dalawang araw na wala siyang ligo.
Matapos maligo ay nagbihis siya at nahiga sa kanyang higaan. Kinuha niya ang iPad na pinahiram ni Oswaldo. Tiningnan niya ang kanyang Messenger kung may message ba ito pero nadismaya siya na wala. Naisip niyang baka nagpapahinga na ito. Mamaya niya na lamang ito kakamustahin. Dahil kagaya ni Oswaldo, nakakadama rin siya ng pagod lalong lalo na sa kanyang binti.
Saglit siyang umidlip at nagising lang sa malakas na pag vibrate ng kanyang iPad.
Oscar Waldo Torrero is calling…
Agad niyang sinagot ang tawag nito sa Messenger.
“Nasaan ka, Blaine?” bungad nitong tanong.
“Nasa bahay ako. Kumusta ka na? Uminom ka na ba ng gamot?” tumingin siya sa wall clock sa pader at nakitang alas tres na ng hapon. Tatlong oras rin siyang nakatulog.
“Oo. Pinilit kasi ako ni mama.” anito na parang nagsusumbong pa. “Samahan mo ako dito sa bahay, Blaine. Please.”
Mabilis siyang napatayo. “O sige.”
“Hihintayin kita dito.”
“Oh sige. Mag bibihis lang ako at maghahanap ng masasakyan.” siya na ang pumutol ng tawag. Napailing siya. Napakabilis niya talaga pagdating kay Oswaldo. Nagpalit siya ng damit at nag ayos. Kumuha na rin siya ng maliit na bag na nilagyan niya ng kanyang wallet at panyo.
“Oh saan ang punta mo anak?” tanong ng kanyang ina pagkalabas niya sa kwarto.
“Kela Oswaldo ma. Nilalagnat kasi siya at titingnan ko lang kung okay na ba siya.”
“Naku, o sige. Ikumusta mo na lang ako kay Oswald at sabihin mo na get well soon kamo.”
Nag paalam na siya sa ina bago naghanap ng masasakyang tricycle patungo kela Oswaldo. Bumaba siya sa harap ng malaki at magandang bahay. Kulay puti ang nangingibabaw na kulay sa bahay nila Oswaldo. Dalawang palapag rin ang taas niyon. Natutuwa siya dahil kahit na alam niyang mayaman ang mga Torrero, mas ginusto pa rin ng mga ito na panatilihin ang simpleng pamumuhay.
Nag doorbell siya at ang kanyang tita Ethan ang bumungad sa kanya. Napangiti ito nang makita siya. “Pasok ka, Blaine.”
“Salamat po, tita.” pinagbuksan siya nito ng pinto at pinapasok. Isinarado nito ang pinto at sumabay sa kanya. “Hindi ka naman siguro kinulit ni Oswald na pumunta dito, ano? Naku talaga ang batang iyon. Pare-pareho iyan sila ng kanyang papa at kuya OJ. Bibihira kung magkasakit pero kung mayroon naman ubod ng kulit at aarte.”
Napatawa siya. “Hindi naman po, tita.”
“Mabuti naman. Sumasakit ang ulo ko kay Oswald at ayaw pa uminom ng gamot kanina.” natawa na rin ito. “Nasa taas ang kaibigan mo, Blaine. Teka, nag merienda ka na ba?”
“Ayos lang po, tita. Busog pa ako.”
“Ay hindi. Maupo ka muna diyan at ipaghahanda ko kayo ng merienda ni Oswald.” anito. Tahimik siyang naupo sa sofa sa sala.
“Baka may maitulong po ako, tita.”
“Ayos lang, Blaine. Pakainin mo na lang si Oswald ng lugaw.”
Namula ang kanyang pisngi. Susubuan niya si Oswaldo o ibibigay lang dito ang bowl ng lugaw? Pakilinaw po tita Ethan. Gusto niya iyong itanong pero hindi niya magawa.
May dalang wooden tray na ang kanyang tita Ethan pag balik nito. May pitsel ng orange juice, plato ng tinapay, at isang bowl ng umuusok na lugaw at itlog. “Sabayan mo na lang mag merienda si Oswaldo, Blaine. Hays, sana kayo ang magkatuluyan sa huli.”
Mas nag init ang kanyang pisngi. Sana nga po, tita kaso straight daw po kasi ang bunso nyo. “Salamat po, tita.” iyon na lang ang kanyang naiusal bago kinuha ang tray at umakyat sa kwarto ni Oswaldo. Inilapag niya muna sa maliit na lamesa sa harap ng kwarto ni Oswaldo ang dalang tray at kumatok.
Ilang sandali lang ang lumipas at pinagbuksan rin siya nito. Kinilig kaagad siya makita pa lang ang gwapo nitong mukha na nakangiti. Naka sando lang rin ito at naka boxershort. “Blaine.” nilakihan nito ang pagkakabukas ng pinto ng kwarto nito.
Kinuha niya ang tray sa lamesa at pumasok sa kwarto nito. Nahiga itong muli sa kama nito at nagkumot. “Maraming salamat talaga Blaine at pumunta ka rito.”
Muli siyang binalot ng matinding kilig. Ibinuhos niya ang lahat ng pagpipigil huwag lang mapangiti. “Mag merienda na muna tayo. Ubusin mo itong lugaw ah.”
“Masusunod, boss Blaine.” nakangiti nitong usal.
Inirapan niya na lang ito. Kinuha niya ang bowl at kutsara bago iyon iniabot kay Oswaldo. “Oh kumain ka na.”
“Ikaw magpakain sa akin, please.”
“Hoy Oswaldo-” magrereklamo pa sana siya kahit na kinakain na siya ng kilig.
“May sakit ako, Blaine. Atsaka kapag ikaw ang magkaroon ng lagnat sa susunod. Ako rin ang mag papakain sa’yo.”
Napairap na lang siya. Hindi na niya pinapansin ang pag iinit ng kanyang buong mukha dahil sigurado siyang nagbu-blush siya ngayon. Totoo nga ang sinabi sa kanya ng kanyang tita Ethan, nagiging baby damulag ang mga Torrero kapag may sakit. Hindi naman siya nagrereklamo dahil handa siyang gawin ang lahat ng mga iyon para kay Oswaldo.
Humila siya ng upuan at naupo sa tabi ng higaan nito.
“Blaine. Ikaw ang mag aalaga sa akin hanggang sa gumaling ako, ‘di ba?” tanong nito.
Napakagat labi siya. Matatanggihan niya ba ito?
Itutuloy…
Bat ganon Oswaldo? Jowain muna sana natin si Blaine bago mang bakod at mag request ng kung anu-ano, oo. Iyon ang patakaran dito. Hahaha.
Don’t forget to vote and comment mga baccla.
PART 10
Longer version of Part 10. Medyo ‘di na ako pamilyar sa story nitong mag-bestfriend hahaha. Enjoy. ❤️
\- mayordamiel
PART 10
Blaine
“Huli na ito.” aniya bago muling sinandok ang lugaw sa mangkok gamit ang hawak na kutsara at ipinakain iyon kay Oswaldo. Nang tanungin siya nito kanina kung siya ba ang mag aalaga rito hanggang sa gumaling ay hindi na siya nagdalawang isip na um-oo. Ayaw na niyang lokohin ang kanyang sarili dahil alam naman niya na pagdating kay Oswaldo eh hindi siya tumatanggi.
Nginitian siya nito kaya kagat labi siyang napaiwas ng tingin at ramdam niya ang pamumula ng kanyang pisngi. “Maraming salamat talaga, Blaine.”
“Walang anuman.” tipid niyang tugon. “Gusto mo uminom ng juice?”
“Oo.” tugon nito.
Nagsalin siya sa isang baso ng orange juice bago iyon inabot sa kaibigan. Isang tungga lamang nito iyong ininom bago ibinalik sa kanya ang wala nang lamang baso. “Maraming salamat at pumayag ka na ikaw ang mag alaga sa akin. Gusto tuloy kitang halikan dahil dito.”
“H-hoy Oswaldo!” pag sita niya dito. Nautal pa siya sa pagkabigla. Dama niya rin ang mas pag iinit ng kanyang pisngi. “May sakit ka na nga puro ka pa rin kalokohan.”
Tumawa ito. “Biro lang. Ilagay mo na lang muna sa labas iyan, Blaine. Ako na lang ang magbababa mamaya.”
“Sige.” aniya at iniligpit na muna niya ang kanilang pinagkainan at inilagay iyon sa lamesa na nasa harap ng kwarto nito bago muling bumalik sa kinauupuan. Hindi niya napigilang kapain ang noo nito. “Mainit ka pa rin.”
“Ayos lang iyan. Aalagaan mo naman ako eh kaya mawawala rin kaagad.” nakangiti nitong usal sa kanya. Hindi niya maiwasang kiligin at ginagawa niya ang lahat sa kanyang loob na huwag iyong ipahalata kay Oswaldo. “Napaka swerte ko talaga at naging kaibigan kita, Blaine.”
“Bolero.” namumula ang pisngi niyang usal. “Ibababa ko na lang muna ang mga pinagkainan natin at para hindi na maabala pa si tita.” pagdadahilan niya at mabilis na tumayo ngunit maagap rin nitong hinila ang kanyang kamay dahilan upang masubsob siya palapit rito.
Napalunok siya at napakagat ng labi nang mapaharap sa gwapo nitong mukha. Napakalapit na ng kanilang mga mukha, sa sobrang lapit nga ay naaamoy na niya ang mabango nitong hininga at dama niya ang init niyon. Isang pag sulong at maglalapat na labi nila sa isa’t-isa.
Hindi niya maalis ang pagkakatitig sa mga kulay kape nitong mga mata nito. Sobrang lakas ng kalabog ng kanyang dibdib at hindi makabuo ng isang klarong imahe ang kanyang isip. Ginugulo ni Oswaldo ang kanyang sistema sa hindi niya maipaliwanag na paraan. Napakatindi niyon. Nakakatakot pero alam niya na sa likod ng takot ay may nagtatagong emosyong hindi pa niya lubos na nauunawaan.
“Blaine…” pabulong nitong usal. Hindi rin inaalis ni Oswaldo ang mga mata sa kanya. Halos manlaki ang kanyang mata nang madama ang unti-unti nitong paglapit sa kanya.
Hindi niya malaman kung ano ang mararamdaman. Kinakabahan siya pero may parte sa kanya na nag aasam na maramdaman kung gaano kainit ang labi nito sa kanyang mga labi. Hindi niya rin maigalaw ang kanyang buong katawan at wala rin siyang balak.
“Ehemmmm…”
Mabilis pa sa kisapmata siyang lumayo mula kay Oswaldo at napatayo. Napalingon siya sa tumikhim at nasa pintuan ang papa Oscar nito. Dama niya ang matinding pag iinit ng kanyang pisngi sa nararamdamang hiya kaya napayuko siya para itago iyon.
“Papa naman!” rinig niyang pagreklamo ng kanyang kaibigan. “Sinabi ko na po sa inyo na kumatok kayo bago pumasok sa kwarto ko.”
“Tigilan mo ako, Oswald.” striktong usal ng ama nito. “Hahalikan mo si Blaine? Kaya mo bang panindigan ang kaibigan mo?”
Mariin siyang napakagat ng labi. Lihim niyang ipinapanalangin na lamunin na lamang siya ng lupa nang buo. Pinagpapawisan siya sa panggigisang ginagawa kay Oswaldo ng ama nito.
Hahalikan siya ni Oswaldo. Para siyang sasabog sa halo-halong emosyon at ang kanyang musmos na puso ay hindi alam kung papaano ipoproseso ang mga iyon. Nahihirapan siyang huminga pero ni minsan ay hindi niya naramdaman ang ganoong pagkabuhay. Bawat himaymay ng kanyang katawan ay naghuhumiyaw.
“Hin- arghhh!” inis na ungot ni Oswaldo.
“Mag uusap tayo mamaya.” anito kay Oswaldo at iniwan na silang dalawa. Rinig niya ang pagsarado ng pinto ng kwarto ni Oswaldo at doon lamang rin siya napabuga ng hangin.
“Blaine,” pagtawag sa kanya ni Oswaldo.
Hindi siya makatingin ng diretso kay Oswaldo. “Oh?” untag niya.
“Huwag mo na lang intindihin si papa. Istrikto lang talaga iyon pagdating sa iyo na parang ikaw pa ang anak nito sa ating dalawa.” natawa ito pero rinig niya ang tensyon sa boses nito.
“Nahihiya ako kay tito Oscar.” pag amin niya.
“Ako ang may kasalanan, Blaine. Hindi ko alam kung bakit ako umabanse. Nahihilo lang siguro ako.”
Napakagat siya ng labi. “Naiintindihan ko.” tipid niya na lamang tugon at kinapang muli ang noo nito. Higit na mas mainit nga ito kumpara kanina. “Bakit hindi ka umidlip muna? Magpahinga ka. Nakakain at nakainom ka naman na ng gamot.”
Tumango ito. “Maraming salamat sa lahat, Blaine.”
“Alam mong handa akong laging tulungan ka kagaya ng ginagawa mo sa akin, Oswaldo.”
Ngumiti ito. “Tabihan mo ako.”
“Hoy Oswaldo! Baka mapagalitan na ako ni tito Oscar kapag nahuli na naman tayo.” pag angal niya. Hindi rin talaga siya makapaniwala kung minsan sa kanyang kaibigan.
“Sandali lang. Please, Blaine.” pakiusap nito.
Napabuntong hininga siya. Hindi niya ito matiis. “Oh sige.”
Umusog ito sa malapad nitong higaan para bigyan siya ng puwang. Dinaluhan niya ito sa malambot nitong kama. Hindi na niya ito napigilan nang tandayan siya ng kamay at binti nito. Bahagya pa itong umusog palapit sa kanya. “Salamat, Blaine.”
Habang hindi siya makagalaw sa pagkakayakap nito, mabilis naman itong nakatulog sa tabi niya. Ilang sandali lamang ang nakalipas at narinig na niya ang banayad nitong paghinga. Hinayaan niya itong yumakap sa kanya ng ilang minuto pa bago niya naisipang umalis sa tabi nito at tumayo.
Sobra-sobra ang pag iinit ng kanyang pisngi habang ang kanyang dibdib ay hindi matigil sa pagtatambol. Naguguluhan siya sa mga ikinikilos ni Oswaldo. Kanina lamang ay halos halikan siya nito kung hindi lamang sa papa nito ay baka ito na ang kanyang naging unang halik. Napakagat labi siya. Sigurado siyang wala pa ring nahahalikan si Oswaldo sa romantikong paraan.
Sandali niyang pinagmasdan ang gwapo nitong mukha habang mahimbing na natutulog. Inayos niya ang kumot nito bago ito iniwan sa kwarto. Pagkababa niya sa sala ng bahay ng mga Torrero ay naabutan niya ang kanyang tita Ethan doon. Ipinagpapasalamat niya at wala doon ang kanyang tito Oscar lalo na at ito ang nakahuli sa kanilang mumuntikang paghahalikan ni Oswaldo.
“Oh, Blaine. Ayos na si Oswald?”
“Nakatulog na po, tita.” tugon niya.
“Salamat naman.” nakangiti nitong ani. “Ikaw lang pala ang kailangan ng bunso ko para hindi mag inarte kapag may sakit.”
Kinilig siya at napangiti.
“Oh, siya. Dito ka na lang maghapunan, Blaine. Magluluto ako nang marami. Ipapahatid na lang kita kay Oscar mamaya.”
Mabilis siyang napailing. “Hindi na po, tita. Sa bahay na lang po ako maghahapunan. Tiningnan ko lang po talaga si Oswald kung okay na po siya.”
Tumawa ito. “Bawal tumanggi sa pagkain, Blaine. Sige na. Samahan mo na lang ako sa kusina at ituturo ko sa iyo kung paano lutuin ang paboritong tinola ni Oswald.”
Napatango na lamang siya. “Sige po, tita.”
Sinundan niya ito sa malawak na kusina at kagaya nga nang ipinangako nito, tinuruan siya nito kung papaano lutuin ang paboritong tinola ni Oswaldo. Halos siya ang nagluto at ginagabayan lamang siya nito.
“Tikman mo, Blaine. Lagi mong tatandaan. Nasa sabaw ang sarap ng tinola.”
Sumandok siya sa kumukulong sabaw at inihipan muna ang sandok bago iyon tinikman. Lihim siyang napangiti nang malasahan ang masarap at malinamnam na sabaw ng tinola. Napagod man siya, napawi naman iyon nang matikman ang kanyang niluto.
“Pwede na ba?”
Nakangiti siyang napatango. “Salamat po, tita.”
“Patikim nga.” nakangiti nitong usal at iniabot niya rito ang sandok at ito naman ang tumikim. Lumapad ang ngiti nito at napatango pa kaya labis labis na tuwa ang kanyang nadama. “Mmmmm… pwede na. Pwede mo nang asawahin si Oswald.”
“Tita naman.” namumula ang mukha pero nakangiti niyang pag angal.
“Biro lang, Blaine. Pero kung gusto mo pang matutuhan ang mga rekado at paraan ko ng pagluluto, magsabi ka lang sa akin. Sinasabi ko sa’yo, baka hindi ka na pakawalan ni Oswald kapag natikman niya ang mga luto mo sa sunod.”
“Salamat talaga, tita.”
“Ihahanda ko lang ang hapag para makapag hapunan na tayo. Paki-gising na lamang si Oswald sa itaas, Blaine. Please.”
Tumango siya at dali-dali ring sumunod. Umakyat siya sa kwarto ng kaibigan. Pagkapasok niya roon ay naabutan niya pa rin itong mahimbing na natutulog.
“Oswaldo, Oswaldo…” pagtawag niya rito at bahagyang inuyog ang balikat nito.
“Mmmm…”
“Oswaldo, gising na. Maghahapunan na tayo.”
“Blaine?” tanong nito pero tulog pa ang diwa. Hindi pa ito nagdidilat ng mga mata.
“Oo. Bumangon ka na.” mas nilakasan niya ang pag ugoy rito at bahagya pang tinapik ang pisngi nito. Dama niyang mainit pa rin ito.
Hindi niya naiwasang kiligin nang ngitian nito pagkamulat nito ng mga mata. “Iniwan mo ako.”
“Tinulungan ko si tita na magluto ng tinola.” pagdadahilan niya kahit na plano niya talaga ay takasan ito.
“Paborito ko.”
“Oo, kaya bumangon ka na at para makakain na tayo.”
Ganado rin naman itong bumangon at inakbayan pa siya. “Ikaw ang nagluto?”
“Oo.”
Napangiti ito. “Kapag nasarapan ako sa luto mo, aasawahin na kita ah.”
Namumula ang mukha niya itong kinurot. “Hoy Oswaldo! Tigilan mo ako.”
Tumawa lamang ito ng malakas at nakaakbay pa rin siyang sinamahan pababa ng hagdan hanggang sa makarating sila sa hapag kung saan naghihintay na ang mama at papa nito. Nakahain na rin ang mga pagkain.
Hinintay silang makaupo na dalawa at halos hindi pa nag iinit ang kanilang mga pang upo sa upuan ay nagsalita na kaagad ang papa nito. “May balak ba kayong ikwento sa aming dalawa at muntik na kayong maghalikan sa kwarto mo, Oswaldo?”
“Papa!” pag reklamo ni Oswaldo sa papa nito habang siya naman ay natigilan at mabilis na pinamulahan ng mukha. “Mama oh.”
“Mahal, pabayaan mo ang mga bata.” pagsaway ng kanyang tita Ethan sa mister nito pero malapad ang pagkakangiti na parang gusto pa ang narinig. “Aamin naman ang mga iyan sa atin kapag sila na.”
Mas nag init ang kanyang pisngi at nasamid pa. Si Oswaldo naman sa kanyang tabi ay nagrereklamo sa pang aasar ng magulang nito sa kanilang dalawa. “Si Papa kasi pumapasok lang sa kwarto ko nang hindi kumakatok.” reklamo nito.
“Tigilan mo ako, Oswald. Manang-mana ka talaga sa kuya OJ mo.” tugon ng kanyang tito Oscar.
“Sus! Sa iyo rin naman iyan nila namana, mahal.” pag singit ng kanyang tita Ethan. “Oh siya, kumain na tayo. Ang sarap nitong niluto ni Blaine na Tinola kaya damihan mo ang pagkain Oswald.”
“Dadamihan ko talaga, Ma.” ani Oswaldo at nilingon siya. Saglit na nagtagpo ang kanilang mga mata bago siya nakipagkalas. Sumandok pa ito ng mainit na sabaw at inilagay nito sa sariling mangkok at doon ay humigop. Ngumiti ito at napatango.
“Masarap ba?” mahina niyang tanong kay Oswaldo.
“Aasawahin na kita.” bulong rin nito pabalik na nagpakilig sa kanya.
“Bolero.” tugon niya at napatingin sa mag asawang Torrero na tahimik lang na nakatingin sa kanilang dalawa. Tahimik at namumula ang mukha siyang kumuha ng kanin at ulam.
Habang nagsasalo sa hapunan ay tahimik lamang siyang nakikinig sa pag uusap ng mga magulang ni Oswaldo. Hindi niya maiwasang mapangiti sa kanyang isip habang pinagmamasdan ang dalawa. Napakalambing pa rin ng mga ito sa isa’t isa at kung minsan nga ay inaasar pa ng kanyang tito Oscar ang kabiyak nito na ikinapipikon nang huli pero itatawa rin kalaunan matapos kurutin ang mister.
“Dahan-dahan lang, anak. Wala kang kaagaw sa luto ni Blaine.” pagsaway ng kanyang tita Ethan kay Oswaldo na panay ang paghigop sa sabaw at pagsubo ng kanin. Kumpara kanina ay mas ganadong-ganado na ito sa pagkain. Butil-butil na rin ang pawis nito sa noo.
“Ang sarap nitong niluto ni Blaine, ma.” anito at ipinagpatuloy ang pagkain.
Nang matapos silang maghapunan ay nagpresenta siyang tumulong sa pagliligpit at paghuhugas ng kanilang pinagkainan pero tinanggihan siya ng kanyang tita Ethan.
“Kami na ni Oscar ang bahala dito, Blaine. Samahan mo na lang muna si Oswald at mamaya ay ihahatid ka namin sa inyo.” nakangiti nitong usal. “Ikaw lang pala ang kailangan kong tawagin kapag may sakit ang bunso ko.” natatawa nitong pahabol.
“Sige po, tita.” tugon niya at ibinaba ang hawak na mga plato.
Dinaluhan niya si Oswaldo na nagpapahinga at nakaupo sa sofa habang nanunuod sa malawak na telebisyon sa sala.
“Blaine, tabi ka sa akin.” anito at tinapik ang upuan sa tabi nito. Nag iinit man ang pisngi. Umupo pa rin siya sa tabi nito. “Salamat nga pala ah. Ang sarap ng luto mo.”
“Bolero.” kinikilig niyang tugon. “Tinuruan ako ni tita Ethan kaya masarap.”
“Sikreto lang ito pero mas masarap ang luto mo.” pabulong nitong usal. Halos maestatwa siya nang akbayan nito. “Babawi ako sa’yo kapag gumaling ako. Gusto mo lutuan kita?”
“Ano namang lulutuin mo?” namumula ang mukha niyang tugon. Kinikilig siya lalo na sa lapit nila sa isa’t-isa. Dama niya ang init ng katawan nito.
“Pancit Canton tapos piniritong itlog.”
Natatawa siyang napairap. “Wow naman. Tinola ang niluto ko para sa iyo tapos Pancit Canton at itlog lang ang lulutuin mo para sa akin?”
Natawa na rin ito. “Gwapo naman ang nagluto kaya hindi ka na lugi tapos crush mo pa. Naku, laglag na naman panty mo nito sa akin. Teka, panty ba sinusuot mo.”
“Oswaldo!” reklamo niya at kinuha ang throw pillow at hinampas iyon sa alaskador na kaibigan na madali lang nitong hinarang ng kamay nito at inagaw sa kanya. “Hindi kita crush noh at hindi ako nagpa-panty.” namumula ang mukha sa hiya niyang usal.
“Biro lang.” natatawa nitong pagpigil sa kanya. Hinila nito ang kamay niya kaya napaupo siyang muli sa tabi nito. “Pero seryoso ako. Salamat. Napadami ang kain ko kanina dahil sa niluto mo. Pinagpawisan rin ako habang humihigop sa mainit na sabaw kaya mas gumaan ang pakiramdam ko ngayon. Babawi talaga ako kapag gumaling ako.”
Napalunok siya at napatingala sa gwapong mukha ng matalik na kaibigan. “Hindi mo kailangang bumawi. Magpagaling ka lang para may tiga-hatid at sundo ako sa school.”
Napangiti ito. “Ginagawa mo lang pala akong driver.”
“Baliw. Magpagaling ka para may kasabay ako sa pagpasok.” aniya.
“Oo naman. Alam kong hindi mabubuo ang araw mo kapag hindi mo ako nakikita. Pakiramdam ko nga ay ako ang rason kung bakit ka pumapasok sa school, Blaine eh.” mayabang nitong usal na muli niyang ikinailing.
“Feeler!” aniya. “Uminom ka na nang gamot at magpahinga sa kwarto mo. Dala lang iyan nang lagnat, Oswaldo.” aniya at tumayo. Alam niya naman sa sarili niyang isa si Oswaldo sa rason kung bakit ginaganahan siyang pumasok sa eskwelahan pero hindi niya iyon aaminin.
“Biro lang.” tumayo na rin ito. Doon niya mas napansin ang tangkad nito kumpara sa kanya. “Sige, aakyat na ako para uminom ng gamot at magpahinga. Kung wala lang akong sakit ay iimbitahan kitang dito na matulog sa amin kaso baka mahawa ka at ikaw naman ang magkasakit.”
“Hindi na.”
“Sige, Blaine. Ingat ka sa pag uwi. Aasawahin pa kita at bibigyan ng magandang buhay at lahi.” pagbibiro nito at mabilis na tumakbo paakyat ng hagdan. “Bye, Blaine.” anito nang nasa kalagitnaan paakyat.
Naiwan siyang pulang-pula ang mukha at kinikilig sa hirit ni Oswaldo. Naiinis siya na biro lang ang mga iyon para kay Oswaldo habang siya naman ay willing at handa na magpa asawa rito. Hindi na siya nagdadalawang isip sa magandang buhay at lahi at sigurado naman siya doon kung ito ang kanyang mister.
“Inalaska ka na naman ni Oswald?” napalingon siya sa kanyang tita Ethan.
“Sanay na po ako, tita.” aniya.
Mas lumapad ang ngiti nito. “Ewan, bagay na bagay talaga kayo ni Oswald. Kapag naging kayo talaga sa huli ay ituturo ko sa’yo ang lahat ng alam kong luto. Wala sa mga anak ko ang balak magpatuloy ng negosyo namin lalong-lalo na ang kaibigan mo.”
Kinikilig siyang napangiti. “Gusto talaga ni Oswaldo maging propesyonal na manlalaro, tita.”
Napabuntong hininga ito pero napangiti. “Kaya nga eh. Pero masaya ako na suportado mo si Oswald, Blaine. Palagi niyon ikini-kwento sa amin na magiging manager ka niya habang siya naman ay magiging sikat na football player.”
Napakagat labi siya habang nangangamatis sa pula ang pisngi sa kilig. Naiinis siya sa kanyang sarili. Mas nahuhulog siya kay Oswaldo sa puntong alam niyang wala na siyang kawala pa doon.
“Tara na, Blaine. Ihahatid ka namin sa inyo. Nasa labas na ang tito Oscar mo.”
“Sige po, tita.”
Itutuloy…
AN. Don’t forget to vote and comment. I will try to update tomorrow. Medyo ginaganahan akong balikan ang kwento ni Oswaldo at Blaine. ❤️
PART 11
HOY OSWALDO! 11
“Blaine, andito na ang boyfriend mo.” rinig niyang sigaw ng kanyang ina mula sa kanilang sala. Napataas ang kanyang kilay at napakunot ang noo. Alam niyang may sakit pa si Oswaldo. Nagmamadali siyang lumabas sa kanyang kwarto at nabungaran ang kanyang mama at si Oswaldo na nakangiti habang kausap ang nauna.
“Oswaldo, magaling ka na ba?” nag aalala niyang tanong dito.
“Maayos na ang pakiramdam ko, Blaine. Salamat sa pag aalalaga mo sa akin. Lalo na sa niluto mong Tinola.” nakangiti nitong usal at mukhang masigla na nga ito. Bumaling ito pabalik sa kanyang mama. “Ang galing po mag alaga ni Blaine, tita. Baka umakyat na po ako nang ligaw sa susunod na araw.” tumatawa nitong usal.
“Naku, wala nang ligaw-ligaw. Kasalan na kaagad.” pakikisabay rin ng kanyang mama habang siya naman ay pulang-pula ang mukha sa kilig. Alam niyang nagbibiro si Oswaldo kagaya nang lagi nitong ginagawa pero umaasa pa rin siya. Ganoon siya karupok kapag ito na ang pinag uusapan. Hindi niya rin alam kung anong gagawin niya kapag niligawan nga siya nito nang totohanan. Baka kagaya ng tugon ng kanyang mama, hindi na siya magpaligaw. Kasalan na lang agad.
“Sige po, sasabihan ko si Mama at Papa para makapag handa na kami sa pamamanhikan.” biro nito pabalik.
Napairap na lang siya at nagmamadaling bumalik sa kanyang kwarto para itago ang pamumula ng mukha. Nagsisimula na rin kasing kumalabog sa eratikong paraan ang kanyang dibdib. Napahawak siya sa kanyang dibdib at dama niya ang malakas na pagtibok niyon mula sa kanyang palad. Hindi niya maipaliwanag pero nagugulo ang kanyang pagkatao kapag binibiro siya ni Oswaldo nang ganoon.
“Magandang umaga, Blaine.” nakangiting bati sa kanya ni Oswaldo nang pumasok ito sa kanyang kwarto. Inirapan niya ito pero kinikilig siya sa kanyang loob.
“Magaling ka na ba? Baka mabinat ka.” tanong niya rito at sinusubukan hindi ipahalata ang kanyag pag aalala. Ibinalik niya ang atensyon sa kanyang bag at ibinalik doon ang mga libro at notebook na kakailanganin para sa araw na iyon.
“Ayos na ako. Salamat sa pag aalaga mo.” anito at lumapit sa kanya. Nabigla siya nang hawakan nito ang kanyang kanang kamay at inilapit iyon sa leeg nito. Nag init ang kanyang mga pisngi sa pagkakadikit ng kanilang mga balat pero nagugustuhan niya iyon. Lalo na ang mga mumunting boltahe ng kuryente na dumadaloy sa balat nito patungo sa kanya. “Pinayagan na rin ako ni mama na pumasok ngayon.”
Binawi niya ang kanyang kamay.
“Tara na?” tanong nito sa kanya. Tumango siya at kukunin na sana ang kanyang bag nang unahan siya nito. “Ako na.” anito at naunang lumabas ng kanyang kwarto at sumunod siya.
Naabutan nila ang kanyang mama na abala sa sala.
“Tita, mauna na po kami ni Blaine.”
“Bye, ma.” paalam niya sa kanyang mama at lumapit dito para humalik sa pisngi.
“Sige. Bye, anak.” anito at gumanti rin ng halik sa kanyang noo. “Bye, Oswald. Mag ingat kayo sa daan na dalawa ah.”
Paglabas nilang dalawa sa kanilang bahay ay naghihintay na labas ang motorsiklo ni Oswaldo. Napangiti siya dahil na-miss niya ang sumakay doon at yumakap sa bewang ng kaibigan.
Inayos muna nito ang bag sa harap bago inilagay sa kanyang ulo ang helmet at ayusin ang strap sa kanyang baba. Hindi niya maiwasang pamulahan ng pisngi pero hindi siya makaiwas para maitago iyon. “Kaya ko naman na ito.”
Nakangiti itong umiling. “Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na babawi ako ngayong araw, Blaine.” anito at nagsuot rin ng helmet. Nauna itong sumampa sa motorsiklo nito at sumunod siya. “Yakap na, Blaine.”
Nag iinit ang pisngi niyang ipinalibot sa bewang nito ang mga bisig. May mumunting ngiti na gumuhit sa kanyang mga labi nang muling madama ang pamilyar na init at komporteng dala ng katawan nito. Napapikit siya at hindi maiwasang maihiling na manatili sa ganoong posisyon habang buhay.
“Ayos ka na, Blaine?” tanong nito sa kanya.
“Oo, Oswaldo.” tugon niya at pinaandar na nito ang motorsiklo.
Ilang minuto lamang at nasa paaralan na nila silang dalawa. Sinubukan niya pang kuhain ang bag niya mula rito pero ayaw nito iyong ibigay. Tahimik niya na lamang itong hinintay at nang maayos nitong maiparada ang motorsiklo at maayos ang kanilang mga helmet ay inakbayan siya nito.
“May laro na kami bukas. Panoorin mo ako ah.” anito at sabay silang naglakad patungo sa kanilang classroom.
“Baka naman mabinat ka ah.” nag aalala niyang usal. Habang naglalakad ay hindi niya maiwasang makaramdam ng hiya lalo na at may ilan silang schoolmate na nakakasalubong na bumabati kay Oswaldo. Hindi naman na bago sa mga ito na makita siyang laging nakabuntot kay Oswaldo pero napapaisip pa rin siya lalo na at lalaki ito at siya naman ay bakla.
“Alagaan mo na lang ulit ako.”
“Baliw. Namihasa ka naman ata.” umiiling niyang usal. Pero syempre kapag nagkasakit ito ay aalagaan niya pa rin ito at hindi siya magsasawang gawin iyon.
“Oh, ayon naman pala eh.” nakangiti nitong usal.
“Hi, Oscar Waldo.” sandaling napatigil sila nang may bumati rito. Ngumiti at kumaway lang pabalik ang kaibigan niya bago bumalik ang tingin sa kanya.
“Biro lang.” pagbawi nito at sumeryoso. “Hindi ako pwedeng lumiban bukas dahil simula na ng season atsaka Brent Academy ang kalaban namin.”
Napatango siya. Rival school nila ang Brent Academy lalo na sa sports kaya naiintindihan niya kung bakit ayaw nitong lumiban para sa laro nilang iyon. Ang striker rin mula sa team ng Brent Academy ang laging kalaban ni Oswaldo para sa MVP na sigurado siyang mas nagbibigay rason para mas lalong hindi ipagpaliban ang laro na iyon.
“Huwag mo lang masyadong pwersahin ang sarili mo ah.” aniya na lamang.
“Yes, boss!” anito at sumaludo na ikinatawa niya. “Este, manager Blaine.”
“Baliw. Kapag manager mo na ako. Hindi na kita papayagang maglaro kapag may injury ka.” tugon niya at iyon ang totoo. Alam niya kung gaano ka desidido ang kanyang kaibigan lalo na pagdating sa Football. Kahit nga ang kanyang tita Ethan ay nangungunsumi sa bunso nito dahil kahit noong bata pa sila ay ayaw na nitong magpa awat sa paglalaro. Kaya nga siguro higit na mas maitim ang balat nito kumpara sa papa at kuya OJ nito.
“Baka pati pag inom eh ipagbawal mo na rin sa akin.” tumatawa nitong usal.
Namula ang kanyang pisngi. “Hoy Oswaldo. Hindi naman kita asawa no.” usal niya.
“Gusto mo ba?” tanong nito.
Bahagya siyang natigilan at mas nag init ang mukha. “Ang alin?” pagkukunwari niya. Napakagat pa siya sa loob ng kanyang labi.
“Na maging asawa ko.” anito.
“Ewan ko sa’yo.” aniya at inunahan ito sa paglalakad para ito ang kulay kamatis na niyang mukha. Kinikilig siya at kinakabahan. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman pero ang alam niya ay parang tinatambol na naman ang kanyang dibdib at parang babaliktad ang kanyang sikmura sa libo-libong paru-parong nagkakagulo doon.
Narinig niya ang pagtawa nito mula sa kanyang likod at muli siyang sinabayan sa paglalakad. “Ito naman, hindi mabiro.” anito at muli siyang inakbayan.
Napaungot siya. Iyon nga ang ikinatatampo niya eh. Biro lang ang mga iyon para kay Oswaldo pero sa kanya ay hindi dahil umaasa siya. Umaasa na sana ay totohanin na lamang nila ang lahat. Pero wala siyang magagawa. Tuwid ang kanyang kaibigan at malayong magkagusto rin ito sa kanya.
“May practice nga pala kami mamaya, Blaine. Saglit lang naman iyon. Samahan mo ako ah tapos merienda tayo sa labas. Libre ko.”
Tumango siya.
“Hehe. Love you, Blaine.” anito at naunang pumasok sa kanilang classroom habang siya naman ay panandaliang natigilan sa harap niyon. Gusto niyang tumili at magtata-talon sa kilig kahit alam naman niyang mahal siya nito bilang kaibigan at hindi sa paraan na mas hinahangad niya.
Nang makomposa ang sarili ay sumunod na siya rito. Nasa upuan na niya ang kanyang bag habang si Oswaldo naman sa katabi niyang upuan ay abala sa pakikipag usap sa ilang kaklase nilang lalaki na pumalibot rito. Ginamit niya ang pagkakataong iyon para mas pakalmahin pa ang sarili. Minsan kahit dama niya ang pagmamahal na iyon ni Oswaldo bilang kaibigan sa mga askyon nito, iba pa rin ang marinig iyon. Minsan kasi mas mahirap pang isatinig ang mga nararamdaman.
Buong maghapon silang nanatili sa loob ng kanilang classroom. Nang magtanghali ay sabay sila nitong kumain sa abandonadong gusali at kinahapunan ay sinamahan niya rin ito sa pag practice. Habang pinapanood si Oswaldo na maglaro ay hindi niya maiwasang mas lalong humanga. Kumpyansa siyang maipapanalo nila ang laro bukas.
Nang matapos ito sa paglalaro ay inutusan kaagad niya itong magpunas ng pawis at magpalit ng damit na agad naman nitong sinunod. Kagaya ng kanilang nakagawian, nag merienda sila sa labas. Tamang fishball lang at samalamig malapit sa kanilang eskwelahan.
“Gusto mo maghapunan sa bahay, Blaine?” tanong sa kanya ni Oswaldo bago ito kumagat sa stick ng fishball. Siya ang may hawak ng cup na may lamang sawasawan. “Iniimbitahan ka kasi ni mama at papa. Pasasalamat daw nila sa’yo.”
“Naku, huwag na siguro. Pakisabi na lang kay tita at tito na salamat pero sa bahay na muna siguro ako kakain.” pagtanggi niya.
“Hahatid naman kita pauwi sa inyo.”
Muli siyang umiling. “Sa sunod na lang, Oswaldo.”
“Saan mo pa gusto mag merienda, Blaine?” tanong nito.
Dumaan pa sila sa isang balutan bago siya nito hinatid sa kanilang bahay. Bumaba siya mula sa pagkaka angkas sa motorsiklo nito bago kinuha kay Oswaldo ang kanyang bag.
“Salamat, Oswaldo.” aniya.
“Walang anuman.” tugon nito. Hinihintay niyang paandarin na nito ang motorsiklo pero mukhang walang plano ang kanyang kaibigan na umalis. “Aasahan kita sa laro namin bukas ng hapon ah.”
Napangiti siya. “Syempre naman. Hindi ako mawawala doon.”
Napangiti rin ito. “Half-day lang kasi kami bukas at sa hapon eh pupunta na kami sa Brent Academy pero sabay pa rin naman tayong papasok bukas ng umaga. Susunduin kita.”
“Anong oras ba ang laro niyo?”
“Ala-singko ng hapon kaya sigurado akong makakahabol ka pa, Blaine. May warm up at conditioning pa kasi kaming gagawin bago ang laro kaya kailangan naming pumunta doon sa Brent Academy kahit tanghali pa lang.” paliwanag nito.
“Good luck sa’yo, Oswaldo. Alam ko namang mananalo kayo. Ang galing kaya ng striker nyo. Iyong number 03 Torrero ang jersey.” kinikilig niyang usal at hindi na pinigilan ang pag ngiti.
Napangiti rin ito. “Talaga ba? Crush mo siguro iyon.”
Nag init ang kanyang pisngi. “Asa ka pa.”
“Wala bang good luck kiss diyan?” tanong nito at bahagyang itinagilid ang mukha na para bang naghihintay na halikan niya ang pisngi nito.
Napakagat labi siya bago padamping hinalikan ang pisngi nito. Mas nag init ang kanyang pisngi at umigting ang nararamdaman niyang kilig. Mas lumapad ang ngiti sa labi ni Oswaldo at kinindatan pa siya.
“Salamat, Blaine. Ipapanalo ko ang laro namin bukas para sa’yo.” anito.
“Siguraduhin mo lang ah.”
“Oo naman. Sige, mauna na ako. Bye. Ikamusta mo na lang ako kay tita.” anito at pinaandar na ang motorsiklo.
Naiwan siyang nakatayo sa harap ng kanilang bahay. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdamang kilig. Hanggang sa kanyang pagpasok sa loob ay may hindi mawalang ngiti sa kanyang mga labi na maging ang kanyang mama ay hindi maiwasang mapansin.
KINABUKASAN…
Pagkatapos nila ng klase ay nagmamadali siyang nagligpit ng kanyang mga gamit at lumabas ng eskwelahan. Dinaanan niya muna ang locker ni Oswaldo at kumuha ng extrang bimpo at pamalit na mga damit. Sigurado siyang nakalimutan na naman nito iyon sa sobrang pagkatutok sa laro.
Sumakay rin siya sa tricycle at dumiretso sa Brent Academy. Kagaya sa pinapasukan nilang paaralan. Malaki rin ang Brent Academy. Kompleto sa mga pasilidad dahil pang mayaman. Maging ang kanilang ekswelahan ay ganoon rin naman. Hindi na siya makakapag aral doon kung hindi dahil sa scholarship.
Ilang beses na siyang nakapasok sa Brent Academy kaya naman alam na niya ang pasikot-sikot doon. May mangilan-ngilan na rin siyang schoolmate na nakikita na hindi rin gustong palampasin ang laro.
Bago siya dumiretso sa field ay dumaan muna siya sa cafeteria para bumili ng inumin ni Oswaldo. Medyo nahiya siya dahil may ilang mga estudyante doon ang napatingin sa kanya dahil na rin sa uniporme niyang suot.
Dumiretso siya sa isang stall. “Dalawang Gatorade nga po.” aniya.
“Sandali lang ah.” tugon ng tindera.
“Dalawa rin pong Gatorade.” napalingon siya sa nagsalita at napatingala sa matangkad na estudyante. Nakasuot ito ng jersey na pang football ng Brent Academy. Agad niyang namukhaan ang lalaki. Iyon ang striker ng Brent Academy na laging kakompetensya ng kanyang kaibigan sa MVP. Napalingon ito sa kanya. “Hi, ikaw iyong laging kasama ni Torrero, ‘di ba?”
“Oo.” tipid niyang tugon at muling ibinaling ang atensyon sa tindera.
“Welcome to Brent Academy. Pasensya na kung tatalunin namin ang team ng kaibigan mo mamaya.” anito.
Napairap siya sa kanyang isip. Umaasa pa ito. Hindi na siya makapaghintay na matalo ito ng kanilang team para mabawasan naman kahit kaunti ang kompyansa nito sa sarili.
“Ito na oh.” inabot sa kanya ng tindera ang dalawang Gatorade. Inabutan niya ito ng one hundred peso bill at habang naghihintay ng sukli ay inilagay niya sa bag ang mga binili. Nang makuha ang sukli ay lumabas na siya.
“Anong sa iyo, Benjamin?” rinig pa niyang tanong ng tindera sa lalaki.
Habang naglalakad patungo sa field ay nabigla siya nang may sumabay sa kanya sa paglalakad. Muli niyang nalingunan ang lalaki.
“Samahan na kita maglakad papunta sa field.” anito.
“Salamat na lang pero alam ko naman ang daan papunta doon.” tugon niya.
Rinig niya ang mahina nitong pagtawa. “Hindi naman tayo ang maglalaban sa field mamaya kaya kalma lang. Natutuwa lang ako kasi lagi kitang nakikita na kasama ni Torrero sa mga laro.”
“Magkaibigan kami kaya natural lang na suportahan ko siya.” tipid niyang tugon.
“Swerte naman pala ni Torrero na may kaibigan siyang katulad mo.”
Hindi na siya tumugon pa at tahimik na lamang na naglakad. Sinabayan talaga siya nito sa paglalakad. Naasiwa siya pero walang magawa dahil iisa lamang ang kanilang pupuntahan. Ipinapanalangin niya na lamang na hindi sila makita ni Oswaldo pero syempre, kabaliktaran ang nangyari.
Nakasalubong nila si Oswaldo.
“Blaine.” anito bago napatingin sa kasama niyang maglakad. Kumunot ang noo nito at sumama ang tingin. Lumapit ito sa kanya at inakbayan. “May sadya ka ba kay Blaine, Ortega?”
“Wala, Torrero. Nakasabay ko lang sa paglalakad ang kaibigan mo.” anito. Ayos na sana iyon kaso may ipinahabol pa ito. “Bakit may problema ka ba doon?” nanghahamon nitong tugon.
“Oo.” tugon ni Oswaldo na ayaw ring magpatalo. Mas hinila siya nito palapit sa katawan nito. “Ginulo ka ba nito, Blaine?” tanong nito sa kanya.
“Tara na, Oswaldo. May laro pa kayo.” aniya na lamang at hinila ang kaibigan. Pansin pa niya ang masamang tingin na ipinupukol ni Oswaldo kay Ortega kaya mas binilisan niya ang paghila sa kaibigan para malayo ang mga ito at baka mauwi pa sa pisikalan ang tagpong iyon.
“Ginulo ka pa ni Ortega, Blaine?” tanong nito nang makapwesto sa panig ng mga ito sa gilid ng field. Kilala na siya ng mga teammate ni Oswaldo maging ng coach ng mga ito kaya hindi siya pinapaalis.
“Baliw. Hindi. Sinabayan niya lang ako sa paglalakad. Sinabihan ko na nga siya na alam ko naman na ang daan kaso nagpumilit.” pagkwento niya.
“Mamaya iyon sa akin.” rinig niyang bulong ni Oswaldo.
“Pabayaan mo na. Talunin mo na lang sa laro.” pagpapakalma niya rito. “Nagdala ako ng extra mong damit at mga pamunas.”
“Salamat, Blaine. Nakalimutan ko kasing magdala kanina.” tugon nito at hinubad ang jacket para ilabas ang jersey nito. “Hindi ko lang tatalunin ang gagong iyon. Lalampasuhin ko pa.”
Napakagat labi siya. Hindi niya alam kung dala lang ba iyon ng pagiging competitive ng kanyang kaibigan pero pansin niyang mas seryoso ito ngayon. Nagsimula na sa pag warm up ang magkabilang team at ilang minuto lang rin ay nagsimula na ang laro ng mga ito.
Umpisa pa lamang ay pansin na niya ang mainit na laban ng kanilang team at ng rival na team na Brent Academy. Laging nag aagawan ng bola si Oswaldo at iyong Ortega. Parehong magaling ang dalawa at halos walang may gustong magpatalo kaya nga kahit ilang minuto na ang lumipas ay wala pa ring nakaka-goal.
Tensyonado siya at kinakabahan sa kanyang upuan habang pinapanood na maglaro ang kanyang kaibigan. Seryoso ang mukha nito. Desidido na ipanalo ang laro.
Napatayo siya nang makitang umaabanse na ang kabilang koponan patungo sa kanilang goal post. Si Ortega ang may hawak ng bola at sinusundan iyon ni Oswaldo. Hinarang ng kanyang kaibigan si Ortega at inagaw ang bola dito. Matagumpay na naagaw ni Oswaldo ang bola kaya napahiyaw sa tuwa ang kanilang mga schoolmate maging siya ay napangiti rin.
Sinubukang muling agawin ni Ortega ang bola pero nadulas ito dahilan para matumba. Agad itong tumayo at itinulak ang kanyang kaibigan na gumanti rin ng pagtulak. Bago pa man maawat ang dalawa ay nauna nang umamba ng suntok iyong Ortega na naiwasan ng kanyang kaibigan at gumanti rin ng suntok na kumonekta sa panga ng nauna.
Nanlalaki na lamang ang mga mata niyang pinanood ang kaguluhan. Rinig pa niya ang malakas na pagpito ng referee habang nakisali na rin ang ibang mga player sa magkabilang team.
Itutuloy…
AN: don’t forget to vote and comment para **** masundan kaagad. 💕 Enjoy.
PART 12
Eto na ang PART 12. Enjoy! I know na na-miss nyo itong dalawa.
PART 12
“Bakit naman kasi nakipagsuntukan ka pa, Oswaldo? Pareho tuloy kayong na kick-out sa laro.” sermon niya habang sinusuri ang gwapo nitong mukha kung may galos ba ito mula sa pakikipag away sa kalabang player. “Kapag nalaman ito ni tita, lagot ka talaga.” hindi niya napigilang banta.
Kumunot ang noo nito. “Si Ortega naman ang nagsimula eh.” ismid nito. “Medyo may kasalanan ka rin, Blaine.”
Napataas ang kanyang kilay. “Hoy, Oswaldo! Ano namang kasalanan ko sa’yo at pati ako ay nadadamay?” kunot rin ang noo niyang tanong sa kaibigan bago kumuha ng cotton sa dalang bag nang makita na may maliit na sugat ito sa gilid ng labi.
“Pinapaselos mo ako.” seryoso nitong ani bago siya hinarap ng tingin.
Mabilis na nag init ang kanyang tingin at pinamulahan ng pisngi. Gusto niyang mag iwas para itago nararamdamang gulat at kilig pero pinanatili niya ang pagtingin sa kaibigan. “Tigilan mo nga ako, Oswaldo.” pairap niyang turan bago inilapat ang cotton sa labi nito at napadiin pa nga siya kaya napadaing ito sa sakit.
“Dahan-dahan naman, Blaine. Kaunting lambing naman sana.”
“Ewan ko sa’yo, Oswaldo.” muli niyang irap bago binawasan ang pagdiin sa cotton. “Ano ba kasing ipinuputok ng butse mo? Buti na lamang at hindi ka na suspend ngayong season dahil sa ginawa n’yo.” sermon niya.
“Nakita mo naman na siya ang nanguna at may ibinubulong rin sa akin ang gagong iyon.” gigil nitong usal at halata niyang nagkikimkim lang ito ng galit base sa kung papaano nito ikuyom ang kamao. “Sana tinawagan o tinext mo ako na papunta ka na rito para sinundo na lang kita sa gate. Ewan. Nagseselos ako.”
Hindi niya akalain na mas may ikaiinit pa pala ang kanyang pisngi. Napakagat labi siya. Sigurado siyang dala lamang iyon ng pagiging bunsong anak at gusto lagi nito na senro ng atensyon at walang kaagaw. Gayun pa man, hindi niya pa rin maiwasang kiligin sa inaakto nito.
“Praning.” komento niya. “Pero huwag mo na ulit iyon uulitin. Sigurado naman akong kinakanti ka lamang ni Ortega para mawala ka sa pokus at maipatalo mo ang laro. Pasalamat ka at naipanalo pa rin ng team nyo ang laro kahit wala ka.”
Napakibit balikat ito. “Ah basta. Mabilis akong napipikon kapag idinadawit ang pangalan mo.” galit nitong usal habang nakatingin sa fountain ng Brent Academy. Hinihintay nila ang magulang nito para sunduin sila. Nakasanayan na kasi ng mga ito na kumain sa labas kapag may laro si Oswaldo at lagi siyang nakakasama.
“Ano ba kasing sinabi ni Ortega?”
“Ayokong sabihin.”
Napakamot na lamang siya sa ulo. Itinapon niya ang cotton na may kaunting spot ng dugo sa maliit na bulsa ng kanyang bag bago kumuha ng ointment at dinampian ang labi nito.
“Okay na.” aniya matapos. Halata pa rin ang sugat sa gilid ng labi nito at sigurado siyang mapapansin iyon ng kanyang tita Ethan.
“Maraming salamat.” maikli nitong tugon pero hindi pa rin siya nililingon.
Napabuntong hininga na lamang siya. Nagtatampo ito at hindi niya malaman kung bakit. Ayaw rin naman nitong ikwento sa kanya ang mga sinabi ni Ortega.
“Sabay ka sa amin nina mama at papa na kumain sa labas ah. Ihahatid na lang kita sa inyo pagkatapos.” anyaya nito matapos ang ilang segundong katahimikan na namagitan sa kanilang dalawa.
“Hindi na. Nakakahiya kay tito at tita.” pagtanggi niya.
“Sige na. Para hindi na ako magtampo sa’yo.”
Napangiti siya. “Sige, pero sabihin mo muna ang sinabi ni Ortega.”
Napaungot ito bago siya nilingon. “Huwag mo nang problemahin iyon, Blaine. Kumukulo lang ang dugo ko kapag binabanggit mo ang apelyido ng isang iyon.” hindi na nito naituloy ang sinasabi nang tumunog ang cellphone sa bulsa nito. Saglit nitong sinagot ang tawag at ibinaba rin pagkatapos ng ilang segundo. “Nasa harap na daw sila mama.” anito bago kinuha ang bag.
Tumayo na rin siya at nabigla siya nang umakbay ito sa kanya. Itinago niya ang nararamdamang kilig at itinago ang namumuong ngiti sa pamamagitan ng pagkagat sa kanyang labi. Alam niyang pulang-pula ang kanyang pisngi at ipinagpapasalamat niyang hindi iyon nakikita ni Oswaldo.
Sabay sila nitong naglakad palabas ng Brent Academy at sa buong durasyon na iyon ay wala siyang ibang naririnig kung hindi ang nakabibinging pagkalabog ng kanyang dibdib. Naiinis siyang simpleng akbay pa lamang ang ginagawa sa kanya ni Oswaldo ay ganoon na ang epekto nito. Papaano pa kaya kapag kahawak-kamay na niya ito o kaya ay kayakap? Papaano kapag kahalikan na niya ito!?
“Ayos ka lang, Blaine?” untag nito.
“Oo. May naisip lang?”
“Ako o si Ortega?” seryoso nitong tanong.
“Syempre ikaw.” mabilisan niyang tugon at huli na nang mapagtanto niya ang nabitawang salita.
“Talaga?” nakangiti nitong tanong.
“Umm… iyong sugat mo sa labi. Anong irarason natin kay tita kapag napansin niya iyan?” pagdadahilan niya. Lihim niyang ipinapagpasalamat at nakisama sa kanya ang kanyang utak sa pagkakataong iyon at mabilis siyang nakapag isip ng dahilan.
“Ayos lang. Ang mahalaga ay ako pa rin ang nasa isip at inaalala mo at hindi si Ortega.”
Pag labas nila sa gate ng Brent Academy ay nakita kaagad niya ang sasakyan ng mga Torrero na nakaparada. Naglakad sila papalapit doon at kaswal lamang na binuksan ni Oswaldo ang pinto ng sasakyan. “Mauna ka na, Blaine.” anito.
“Salamat.” pigil ang kilig niyang tugon at nauna nang pumasok. “Magandang hapon po, tito at tita.” bungad niya sa magulang ni Oswaldo na gumanti rin ng bati sa kanya pabalik.
Sumunod rin si Oswaldo bago inihulog sa likod na parte ang bag nito.
“Kumusta ang laro mo, anak?” tanong ng kanyang tita Ethan sa bunso nitong anak.
“Ayos lang, ma. Panalo po kami.” tugon nito bago umayos ng sandal sa upuan ng kotse at dinukot ang cellphone sa bulsa.
“Galing talaga ng bunso namin.” proud na anito at maging ang papa nito na medyo tahimik ay napangiti rin. Kinagat niya ang labi. Hindi talaga siya sanay na magsinungaling kaya pakiramdam niya ay para siyang nginangatngat ng kanyang konsensya. Kung alam lang siguro ng mag asawang Torrero kung ano ang ginawa ni Oswaldo kanina.
“Saan tayo ngayon, ma? Inimbitahan ko na lang rin si Blaine.”
“Walang problema. Mas maganda nga at kasama si Blaine.” tugon ng kanyang tita Ethan na nagpangiti sa kanya. “Ewan dito sa papa mo kung saan tayo. Ikaw ba, anak. Saan mo gusto kumain?”
“Doon na lang tayo sa unli barbeque, ma. Iyong itinuro ko sa mall sa inyo ni papa noong nakaraan.” tugon ni Oswaldo.
Ewan ba niya pero isa talaga iyon sa hinahangaan niya kay Oswaldo. Napakalapit nito sa mga magulang nito. Bukod sa napakalambing nito, pansin niyang parang napaka normal lamang para rito ang makipag usap sa mga magulang nito. Hindi niya mawari kung dahil ba iyon sa pagpapalaki ng mag asawang Torrero o natural iyon kay Oswaldo. O baka naman kombinasyon iyon ng dalawa? Ang alam niya, puno ng pagmamahal ang pamilyang Torrero para sa isa’t isa.
“Sa mall daw tayo, mahal. Request ng bunso mo na mag barbecue tayo.” ani ng kanyang tita Ethan na tinanguan lamang ng mister nito. “Kailan ang sunod niyong laro, Oswald?”
“Next week na, ma pero sa school na gaganapin.” tugon ni Oswaldo bago ibinaba ang hawak na cellphone at nilingon siya. “Kahit huwag n’yo na po akong sunduin. Kasabay ko naman si Blaine.”
“Sus, gusto mo lang masolo si Blaine eh.” pang aasar ng mama nito na ikinakilig niya. “Pero sige pero ihahatid at sundo ka pa rin namin ng papa mo kapag sa ibang school ang laro n’yo.”
“Sige po.”
Ilang minuto pa ang itinagal nila sa byahe bago sila nakarating sa mall. Ipinarada muna ng kanyang tito Oscar ang sasakyan nito sa parking lot ng mall bago sila sabay-sabay na pumasok sa mall at dumiretso sa isang Korean barbecue na kainan. Medyo natatawa pa nga siya at katapat lamang mismo niyon ang kainan ng mga ito.
Pumwesto sila sa isang pang apatan na booth. Katabi niya si Oswaldo at kaharap naman niya ang kanyang tita Ethan. Medyo nahihiya siya kaya hinayaan niya na lamang ang kaibigan na umorder sa kanya at habang hinihintay na iset-up ang grill sa gitna ng kanilang lamesa at dalhin ang kanilang mga pagkain ay nag usap-usap muna ang mga ito.
“Nagpaalam ka na ba sa mama mo, Blaine?” untag ng kanyang tita Ethan na mabilis niyang tinanguan.
“Opo, tita. Nag text na po ako kay mama at alam nya naman po na nanood ako ng laro ni Oswaldo.”
“Mabuti naman. Kung ako sa’yo, Blaine. Ngayon pa lamang ay sinisingil ko na iyang si Oswald sa ginagawa mong pag suporta.” natatawa nitong usal na ikinatawa niya na rin.
“Crush ako ni Blaine, ma. Kaya kahit walang bayad ay ayos lang sa kanya.” singit ni Oswaldo na ikinalaki ng kanyang mga mata. “Di ba, Blaine?” tanong nito sabay kindat na nagpa init sa kanyang buong mukha.
“Kapal!” irap niya at nag iwas ng tingin.
Natawa naman ang mag asawang Torrero bago napatigil ang kanyang tita Ethan at napakunot ang noo habang pinagmamasdan ng maigi ang mukha ng bunsong anak. “Anong nangyari diyan sa labi mo, Oswald?” tanong nito sa seryosong boses.
“Baka dala lang ng pisikal na laro, mahal.” pag singit ng kanyang tito Oscar habang siya naman ay parang napipe sa tabi.
“Sabihin mo, Oswald.”
“Nakaaway ko si Ortega kanina sa laro, ma. Siya naman ang nanguna kaya ginantihan ko lang.” tugon ni Oswaldo na ikinasapo ng mama nito sa noo.
“Anong nangyari pagkatapos?” pang iinteroga nito.
“Nakick out kaming dalawa sa laro, ma.”
“Ikaw talagang bata ka. Mana ka talaga sa papa at kuya OJ mo.” sermon nito bago hinawakan ang baba ng bunsong anak para tingnan ang labi nito.
“Nadamay na naman ako, mahal.” reklamo ng kanyang tito Oscar na ikinatawa niya sa kanyang isip.
“Siya naman ang nanguna, ma eh. Kahit tanungin mo pa si Blaine. Tinulak niya ako nang madapa ito nang maagaw ko ang bola sa kanya kaya ginantihan ko siya. ‘Di ba, Blaine?” tanong nito kaya nalipat sa kanya ang atensyon ng mag asawang Torrero.
“Totoo ba iyon, Blaine?”
“Opo, tita.” mahina niyang tugon.
“Oh, ayon naman pala, mahal eh. Gumanti lang ang bunso natin.” ani ng kanyang tito Oscar. “Tama iyan, Oswald. Huwag kang manguna pero kapag inunahan ka, gantihan mo.”
“‘Di ba, papa. Tama ako?” paghingi ni Oswaldo ng kampi sa papa nito.
“Oo., nak.”
“Oscar, Oswald!” pagsaway ng kanyang tita Ethan sa dalawa bago nito kinurot ang mister. “Kinukonsinte mo pa talaga ang bunso natin at ikaw naman, Oswald. Ilang beses na kitang sinasabihan na ayokong nakikipag away ka.”
“Pasensya na, ma. Inunahan niya lang kasi talaga ako eh atsaka dinamay niya pa si Blaine kaya hindi na ako nakapagtimpi.” pagrarason ni Oswaldo bago siya nilingon. Ilang segundong nagtagpo ang kanilang mga mata bago siya nakipag kalas at tumingin sa ibang direksyon.
“Ewan ko na lang sa iyong bata ka at dinadamay po si Blaine,” napapahilot sa sentido na komento “Pero ayoko nang maulit ito. Naiintindihan mo Oscar Waldo Torrero?”
“Opo, ma.”
Napangiti siya dahil kagaya sa papa nito ay tumitiklop talaga ito kapag ang mama na nito ang sumasaway rito. Mabilis rin siyang nagtago ng ngiti nang lumingon si Oswaldo sa kanya at kinunotan siya ng noo.
“Mabuti naman.”
Ilang sandali lang at dumating na rin ang kanilang mga pagkain hanggang sa halos mapuno na ang kanilang lamesa ng iba’t ibang hiwa ng maninipis na karne. May mga side dish rin na hindi sa kanya pamilyar at maliliit na platito ng mga sawsawan.
“Anong gusto mo, Blaine?” tanong sa kanya ni Oswaldo. May hawak na itong food thong sa kanang kamay.
“Ikaw na bahala.”
“Sige. Iwasan mo lang iyang kimchi at baka maanghangan ka.” anito sa kanya.
Ito at ang mama nito ang nanguna sa paglalagay ng mga karne sa ihawan at kapag naluluto na ay inilalagay sa kanyang bowl ng kanin.
“Subukan mo, Blaine.”
“Salamat.” nahihiya at kinikilig niyang pasalamat bago kumuha ng kanin at isinabay ang bagong ihaw na karne. Inihipan niya iyon para bahagyang lumamig bago tinikman.
“Kumusta? Masarap ba?”
Napatango siya. “Oo, masarap.” gusto niya sanang ikomento na mas masarap pa rin ang barbecue sa kainan ng mga ito pero itinikom na lamang niya ang kanyang bibig.
“Syempre naman. Ako nag ihaw niyan para sa’yo.” mayabang nitong usal na ikinangiti na lang niya.
“Sus, yabang naman. Ligawan mo na kaya si Blaine, Oswaldo.” singit ng mama nito na nagpapula sa kanyang mukha. Tiningnan niya ang ekspresyon ng kaibigan at naiinis siya na parang napaka-kaswal lamang ng lahat para dito habang siya naman ay hindi na magkandatuto kung papaano kokontrolin ang nararamdamang emosyon.
“Sa susunod, ma.” anito at kinindatan siya. “Crush naman na ako ni Blaine kaya hindi na ako mahihirapan.”
“Kapal!” inis niyang usal at hindi napigilan ang sarili na kurutin ito ng pasimple sa tagiliran.
“Haha. Biro lang, Blaine.” tumatawa nitong pagbawi.
Sa buong durasyon ng kanilang pagkain ay wala siyang ibang ginawa kung hindi kainin ang mga inilalagay ni Oswaldo sa kanyang bowl ng kanin. At dahil si Oswaldo ang nag iihaw ng mga iyon sa kanya ay hindi siya tumatanggi. Kilig na kilig siya at para sa kanya ay mas sumasarap ang pagkain kapag ito ang nagluluto. Gusto niya nga ring magpasubo kaso nahihiya siya.
“Busog na ako, Oswaldo.” aniya kalaunan dahil busog na busog na siya. Pakiwari niya nga ay parang puputok na ang kanyang tiyan sa sobrang pagkabusog.
“Isa na lang.” anito pero umiling na siya.
“Busog na talaga ako.” pag tanggi niya bago kinuha ang food thong sa tabi ng ihawan. “Ako naman ang mag iihaw para makakain ka nang maayos.” presenta niya.
Malapad itong napangiti. “Sige. gusto ko sanang bumawi sa’yo ngayon kasi binantayan at ikaw ang nag alaga sa akin noong may sakit ako.”
“Baliw. Wala iyon.” pagdidismisa nya rito. “Alin ba dito ang gusto mong kainin?”
“Kahit ano lang. Hindi naman ako mapili.”
Napatawa siya dahil totoo iyon. Hindi ito pihikan at lagi itong magana kung kumain kaya nga pagmemeryenda pagkatapos ng mga practice nito ang kanilang nakahiligang gawin.
Matapos nilang kumain ay sumandali muna ang mag asawang Torrero para bayaran ang kanilang bill sa counter habang sila naman ni Oswaldo ay nauna nang lumabas ng kainan.
“Sobrang nabusog ako doon ah.” ani Oswaldo.
“Ako rin. Sinunod-sunod mo naman kasi ang paglalagay ng pagkain sa bowl ko.” natatawa niyang reklamo rito.
“Sinadya ko talaga iyon para tumaba ka naman.” pang aalaska nito at tumawa na rin kalaunan. “Pero salamat, Blaine.”
“Ako nga ang dapat magpasalamat sa’yo, Oswaldo. Busog na naman akong uuwi sa amin.” aniya.
Saktong lumabas na rin ang mag asawang Torrero at sabay-sabay na silang lumabas ng mall at dumiretso sa sasakyan ng mga ito sa parking lot. Kagaya kanina, muli siyang pinagbuksan ng pinto ng sasakyan ni Oswaldo na labis na nagpakilig sa kanya.
“Salamat.”
Madilim na sa daan at nang sipatin niya ang oras sa cellphone ni Oswaldo ay nakita niyang pasado ala sais na.
“Ihahatid ka na lang namin sa inyo, Blaine.” ani ng kanyang tita Ethan.
Akmang sasagot na sana siya pero inunahan siya ni Oswaldo. “Diretso na lang tayo sa bahay, ma at pa. Ako na lang maghahatid kay Blaine sa kanila.”
“Baka kung saan mo dalhin si Blaine ah.” singit ng kanyang tito Oscar na nagpula sa kanyang pisngi. Naaalala niya pa rin nang mahuli sila nito ni Oswaldo sa kwarto nito na sobrang lapit ang mukha sa isa’t isa.
“Papa naman.” reklamo nito na tinawanan lang ng mag asawang Torrero.
Mabilis ang kanilang naging byahe dahil walang traffic. Pagkarating sa bahay ng mga Torrero ay pinahintay muna siya sa sala habang umakyat naman sa taas nito si Oswaldo para magbihis at kunin ang susi ng motorsiklo nito.
“Blaine, dalhin mo ito sa inyo. Naparami ang na-bake ko.” ani ng kanyang tita Ethan at inabot nito sa kanya ang isang paper bag na may lamang mga container na puno ng mga iba’t ibang baked goods.
“Maraming salamat po, tita.”
“Walang anuman. Alam mo namang hindi ka na iba para sa akin at lagi kang welcome dito sa bahay namin. Ewan ko ba diyan kay Oswald at napaka-kupad. Ayaw ka pang ligawan.” anito na nagpa init na naman sa kanyang pisngi.
Laking pasasalamat niya nang sakto ring bumaba na ng kwarto nito si Oswaldo. Nakapagbihis na ito ng pambahay at pinarisan ng jacket sa itaas.
“Tara na, Blaine.” anyaya nito.
“Mauna na po kami, tita. Salamat po ulit dito.”
“Sige. Mag ingat kayong dalawa sa daan ah.” habilin nito.
Dumiretso si Oswaldo sa mama nito at yumakap at humalik sa pisngi nito. “Hahatid ko lang sa kanila si Blaine, ma.”
“Dahan-dahan lang sa pagmamaneho, Oswald ah.”
“Opo, ma.”
Sabay sila nitong lumabas ng bahay kung saan naghihintay na sa tapat ng malaki at mataas na gate ang motorsiklo nito na inilabas at handa na ng papa nito para sa kanilang dalawa.
Nauna itong sumampa at sumunod naman siya. Wala sa isip at otomatikong pumalibot sa bewang nito ang kanyang mga bisig at napapikit siya nang madama ang pamilyar na komporteng dala niyon.
“Ayos ka na, Blaine?”
“Oo, Oswaldo.”
Mabilis nitong pinaandar ang motorsiklo at sa isang iglap lamang ay tinatahak na nila ang daan palabas ng subdivision ng mga ito papunta sa kanila. Kapwa sila walang imik habang bumabyahe. Hindi niya mawari pero sapat na ang init na ibinibigay ng katawan nito para labanan ang lamig ng gabi at hangin. At higit pa sa salita ang komporte at seguridad niyong dala. Wala salitang binabanggit pero ang mga aksyon na nila ang nagsasalita para sa kanila.
Mas humigpit ang yakap niya sa bewang nito at idinantay na niya ang pisngi sa malapad nitong likod. Amoy niya ang mabangong tela ng jacket nito. Amoy malinis na tela na hinaluan ng banayad nitong cologne. Kung pupuwede lamang silang magtagal sa ganoong posisyon ay gagawin niya pero alam niyang may katapusan ang lahat kaya wala siyang ibang magawa kung hindi ang damhin at i-enjoy iyon habang nasa kanya pa.
“Andito na tayo, Blaine.” untag nito at pagmulat niya ng mga mata ay nasa harap na sila ng bahay nila.
“Maraming salamat, Oswaldo.” aniya at bumitaw sa pagkakayakap rito. Nahihirapan man, bumaba na siya sa motorsiklo nito at muli itong hinarap. Sobrang lalim ng pagkakatitig nito sa kanya sa puntong nako-conscious na siya. Hindi niya mahinuha ang tumatakbo sa isip nito. “Mag ingat ka ah at maraming salamat ulit.”
“Walang anuman. Ikumusta mo na lang ako kay tita.” anito.
“Sige.”
Ilang segundo pa silang nagkatitigan. Tanging ang liwanag mula sa buwan ang nag sisilbi nilang ilaw. Kagaya noon, siya ang unang bumibitaw para itago ang pamumula ng kanyang pisngi.
“Mauuna na ako, Oswaldo.” aniya at tumalikod.
“Blaine,” pagtawag nito.
“Oh?”
“Gusto mong malaman ang sinabi ni Ortega?”
Nilingon niya ito. “Ano ba kasi iyon?”
Lumunok muna ito bago seryoso siyang tinitigan. “Liligawan ka daw niya at kapag naging kayo ay sa kanya ka na daw susuporta–”
“Alam mo namang hindi ko gagawin iyon, ‘di ba?” pagputol niya rito.
“May pag asa ba siya sa iyo?” seryoso nitong tanong.
“Wala at asa naman akong liligawan ako ng isang iyon.”
“Mabuti naman. Akin ka lang ah.” diretsa nitong usal na nagpalaki sa kanyang mga mata sa gulat. Mariin siyang napalunok habang hinihintay itong tumawa at bawiin ang mga sinabi nito. Alam niyang nagbibiro lang ito pero ang kanyang dibdib na eratikong tumatambol at bumibingi sa kanyang mga tenga ay umaasa.
“A-ano?”
“Akin ka lang.” anito at pinaandar na ang motorsiklo.
Itutuloy…
PART 13
PART 13
Blaine
Ramdam ni Blaine kinabukasan ang kanyang kakulangan sa tulog. Inaantok siya. Halos hindi siya nakatulog kagabi dahil sa mga palaisipang iniwan sa kanya ni Oswaldo at ginugulo niyon ang kanyang isip. Paulit-ulit niyang pinipigilan ang sarili na umasa, ayaw niyang masaktan sa huli at mas lalong ayaw niyang masira ang kanilang pagkakaibigan sa pagkakagusto niya rito pero kung minsan ay ginagawa iyong mahirap ng mga kilos ni Oswaldo.
Bago pa man tumunog ang kanyang alarm ay bumangon na siya at pinatay iyon. Tahimik pa sa kanilang buong bahay kung kaya naman napagdesisyunan niyang maghanda na para sa pagpasok sa eskwelahan. Matapos maayos ang kanyang bag ay kinuha niya ang iPad na ipinahiram sa kanya ni Oswaldo at binuksan ang data. Nagbasa muna siya ng ilang notes na kailangan niya para sa klase. Nakagawian niya na talaga iyon para ma-maintain niya ang academic scholarship sa kanilang school at salamat kay Oswaldo at sa iPad nito at mas napadali ang kanyang pag aaral.
Matapos magbasa ay doon na siya tumingin sa kanyang Facebook. May ilang mga messages siyang natanggap mula sa iba’t-ibang organization at club niyang sinalihan at sinagot nya lang ang mga importante pero ang pinaka-umagaw sa kanyang atensyon ang chat sa kanya ni Oswaldo. Simpleng “Blaine?” lamang iyon pero hating gabi na nang mag chat ito. Wala siyang ideya kung anong itatanong nito at sa ganoong oras pa. Nagtataka nga rin siya at gising pa ito nang mga oras na iyon.
Hindi na niya ito ni reply-an dahil magkikita rin naman sila nito.
Pag labas niya sa kanyang kwarto ay gising na ang kanyang mama at naghahanda na ng kanyang almusal. Binati niya ito at kalaunan ay sabay silang nag almusal, matapos iyon ay naligo at nagbihis na siya. Hindi rin nagtagal ay dumating na si Oswaldo nang marinig niya ang pagbusina nito sa harap ng kanilang bahay.
“Lalabas na.” sigaw niya. Nagpaalam muna siya sa kanyang ina bago lumabas at bumungad sa kanya ang nakangiting si Oswaldo na nakasakay sa motor nito at kinindatan pa siya. Mabilis na nag init ang kanyang pisngi sa kilig. Uniporme lang nila sa school ang suot nito pero ubod na ito ng gwapo para sa kanyang paningin.
“Good morning, Blaine.” bati nito na para hindi siya pinuyat sa pag iisip sa mga kilos at salita nito kagabi.
“Good morning rin.” simple niyang tugon.
“May sakit ka?” tanong nito at mabilis na napalitan ng pag aalala ang ngiti sa gwapo nitong mukha. “Mukhang matamlay ka.”
Umiling siya at nginitian ito. “Inaantok lang ako.”
Tumango-tango naman ito pero halatang hindi pa rin naniniwala sa kanya kaya naman kinapa nito ang kanyang noo at leeg. “Sakay na, Blaine.” anito bago tumingin sa relo nito.
Sumampa na siya sa likod ng motor nito at isinuot ang helmet bago yumakap sa likod ng kaibigan. Gusto niyang umidlip habang nakayakap sa malapad nitong likod at dinadama ang mainit nitong katawan pero pinigilan niya ang sarili.
“Okay na?”
“Oo.”
Pinatakbo na nito ang motorsiklo pero nagtaka siya nang hindi nila tinahak ang daan papunta sa kanilang eskwelahan.
“Hoy Oswaldo, saan tayo pupunta?” handa naman siyang samahan ito kung balak nitong lumiban sa klase pero ang gusto niya ay mabigyang abiso muna kung saan siya nito dadalhin.
“Akong bahala. Saglit lang tayo. Promise hindi tayo male-late.” tugon nito.
Nagtiwala na lamang siya sa kaibigan at hindi rin nagtagal ay tumigil sila sa harap ng isang coffee shop. Napangiti siya at lihim na hinayaan ang sarili na kiligin. Isa iyon sa mga napakaraming rason kung bakit siya nagkagusto kay Oswaldo. Napaka-maaalahanin nito.
Nauna siyang bumaba at sumunod rin naman ito nang maayos na maiparada ang motorsiklo. “Mukhang ito ang kailangan mo.” natatawa nitong usal, walang kaalam-alam na ito rin naman ang rason kung bakit siya inaantok.
Kinuha muna nito ang kanilang mga helmet at pumasok na sila sa loob.
“Anong gusto mo sa kape mo, Blaine?” tanong nito habang nakapila sila.
“Iyong matamis.” tugon niya habang nakatingin sa mga naka-display na menu sa itaas ng counter.
“Sweet rin naman ako ah.”
Napakunot ang kanyang noo at sinabayan rin iyon ng pamumula ng kanyang mga pisngi. “Hoy Oswaldo! Kape ang pinag uusapan natin dito.”
Natawa naman ito. “Anong sa’yo?” tanong nito kalaunan.
“Iyong Mocha Frappuccino na lang.” tugon niya. Medyo namamahalan nga siya sa presyo pero sigurado naman siyang si Oswaldo ang bahala doon dahil ni minsan ay hindi siya nito pinagbayad kapag lumalabas sila.
“Sige. Dito na lang natin inumin, medyo maaga pa naman.”
Iniwan na niya ito sa pila at naghanap ng mauupuan. Pagdating ni Oswaldo ay may dala itong tray kung saan nakalagay ang kanilang mga kape at may mga tinapay pa itong binili. Inilagay nito sa kanyang harap ang kanyang inorder at may isang hiwa pa ng cake.
“Maraming salamat.”
“Walang anuman.” simple nitong tugon at naupo na sa kaharap niyang upuan. “Sineen mo lang ako.”
Naguluhan pa siya noong una pero agad niya ring naintindihan niya ang tinutukoy nito. “Ano nga pala iyon, Oswaldo? Hating gabi na ay nag-chat ka pa.”
“Wala. Gusto lang kitang kumustahin.” tugon nito at kaswal na uminom sa kape nito at kumagat sa tinapay na inorder. “Malapit na pala ang exam natin ‘di ba? Turuan mo ako ah. Please. Marami akong absent dahil sa practice at laro.”
“Oo naman.” aniya. Lagi naman niya iyong ginagawa lalo na kapag nagiging abala si Oswaldo sa mga laro nito. Kung tutuusin nga ay ayos lang sa mga teacher nila kapag lumiliban si Oswaldo sa klase dahil popular ito at isa ito sa nagbibigay ng mga tropeyo at karangalan sa kanilang eskwelahan sa sport nitong napili. Madali lang rin naman na makaintindi si Oswaldo sa mga lesson, lagi pa nga itong nakakapasok sa honor’s list pero sadyang hindi lang talaga nito hilig at hindi nito pinagtutuunan ng pansin ang pag aaral.
“Yun! Maraming salamat, Blaine.” masaya nitong usal.
“Kailan nga pala ang sunod niyong laro?”
“Meron kami sa Biyernes tapos ay may isang linggong break dahil exam week rin ng ibang mga school.” pagkwento nito. “Nood ka, Blaine ah.”
“Oo pero sana wala nang suntukan na mangyayari ah.” natatawa na lamang niyang usal na ikinatawa rin nito.
“Basta walang aaligid sa’yo, walang gulong mangyayari.” anito at hindi niya alam kung seryoso ito o kasama pa rin ang litanya nito sa kanilang pagbibiruan pero natutuwa ang kinikilig siya.
“Baliw ka talaga.” aniya na lamang at sumipsip sa straw ng kanyang kape.
“Pero crush mo ‘ko.”
“Hindi no.” pagtanggi niya. Hinding-hindi niya iyon aaminin kay Oswaldo dahil sigurado siyang hindi siya nito titigilan at ayaw niya ring makaramdam ito nang pagkaasiwa. “Asa ka pa.”
“Ano bang gusto mo sa lalaki ah? Magkaibigan na tayo mula bata pero wala ka pang nagiging boyfriend.” tanong nito at tumingin pa sa kanya nang seryoso na parang interesado sa kanyang mga sasabihin.
“Kahit ikaw rin naman ah. Wala ka pang nagiging girlfriend.” pagbabalik niya at nakaramdam siya ng kakaibang kirot sa kanyang dibdib sa ideyang magkakaroon ng nobya ang kanyang kaibigan. Hindi na siya nito maihahatid at sundo, hindi na nila magagawa ang simpleng paglabas-labas kagaya ng ginagawa nila ngayon at ang lahat ng oras at atensyon nito ay malilipat na sa kung sino mang maswerteng babae ang makakakuha ng puso ni Oswaldo. Alam niyang darating rin ang oras na iyon at natatakot siya na baka ‘di niya kayanin.
“Ibang usapan iyon.” anito. “Dali na, Blaine. Anong gusto mo sa lalaki? Matangkad at gwapo ba katulad ko?”
“Kapal ah.” aniya. “At hindi ko masasagot iyang tanong mo. Wala pa naman akong natitipuhang lalaki.” pagsisinungaling niya dahil kung ilalarawan niya ang gusto niya sa lalaki, mahahalata nito na ang lahat ng gusto niya ay nakay Oswaldo na.
Napakunot ang noo nito at naniningkit ang mata siyang tiningnan. “Sini-sekreto mo lang sa akin eh dahil ayaw mong malaman ko crush mo ako.”
“Ewan ko sa’yo, Oswaldo. Tara na at baka ma-late tayo.”
“Sige.” pumahabol pa ito ng kagat sa tinapay nito para ubusin iyon at ininom ang kape. “Bawal magtira ng pagkain dahil lagot ako kay mama.” nakangiti nitong usal na mas dumagdag sa paghanga niya rito.
Paglabas nila sa coffee shop ay dumiretso na sila sa kanilang eskwelahan at kagaya sa pangako ni Oswaldo, hindi sila nito nahuli sa klase. Maghapon sila nitong pumirme sa kanilang eskwelahan dahil sa kanilang klase, sa canteen sila nito nananghalian at kinahapunan ay pinanood niya si Oswaldo na mag practice. Hinding-hindi siya magsasawa na suportahan ito.
Humahangos itong tumakbo palapit sa kanyan at pawis na pawis pa ito mula sa katatapos na practice. “Merienda tayo, Blaine.” anyaya nito.
“Magpunas ka muna ng pawis, Oswaldo.” aniya at inabutan ito ng towel at inumin. “At magpalit ka na rin muna ng damit. Merienda kaagad ang nasa isip mo.” natatawa niyang usal.
“Oo na, boss Blaine.” natatawa rin nitong pakikisabay at sumaludo pa. Naupo ito sa kanyang tabi habang umiinom ng Gatorade at hinahabol ang hininga. “Saan mo gustong gumala?”
“Kahit saan-” basta kasama ka. “Ikaw naman ang manlilibre eh.” aniya.
“Sige. Magbibihis muna ako o baka gusto mo akong samahan.”
Halos manlaki ang kanyang mga mata sa suhestiyon nito. “Hoy Oswaldo!”
“Biro lang.” natatawa nitong ani at tumayo. Dala ang mga gamit nito ay nagpaalam ito para magbihis. Pagbalik nito ay sabay na silang naglakad papunta sa parking lot ng kanilang school.
Dinala siya ni Oswaldo sa isang fast food chain at pagkatapos ay inihatid rin siya sa kanilang bahay kung saan naabutan nila ang kanyang mama na nagwawalis sa labas.
“Magandang hapon po, tita.” bati nito sa kanyang mama at nagmano pa.
“Naku, saan naman kayo galing na dalawa?”
Natawa si Oswaldo. “Nag-date po, tita.”
Mabilis siyang pinamulahan ng pisngi at gusto niya itong kurutin. “Huwag kang maniwala diyan, mama.” pagsingit niya bago nagmano sa kanyang ina. “Sige. Salamat, Oswaldo. Mag ingat ka pauwi.”
“Mauna na po ako, tita. Pinapaalis na kasi ako ni Blaine.” pagbibiro pa nito. “Mauna na ako, Blaine. Susunduin ulit kita bukas.” anito na kanyang tinanguan at pinaandar na rin ang motorsiklo paalis.
“Hmmm… dumi-deyt na ang anak ko ngayon.”
“Mama naman. Magkaibigan lang kami ni Oswaldo.” aniya.
“Diyan nagsisimula ang lahat, anak eh.”
Sana nga. “Sige, ma. Magbibihis na po ako.”
“Paki-tingnan na rin ang sinaing ko, Blaine.”
“Sige po.”
LUMIPAS ANG MGA ARAW na paulit-ulit ang kanilang mga naging araw. Sinusundo siya ni Oswaldo sa umaga, pumapasok sa eskwelahan, sabay na kumakain ng pananghalian sa canteen o kaya naman sa tambayan nila, sa hapon naman ay nagpa-practice ito, at pagkatapos niyon ay gumagala at kumakain sila sa kung saan.
Biyernes lamang iyon nagbago dahil may laro ito sa ibang school. Sinundo lamang siya nito at inihatid sa kanilang school. Kinahapunan niyon ay agad rin siyang pumunta sa Xavier School, nagsisimula na nga ang laro nang maabutan niya pero napangiti siya nang makitang lamang ang kuponan nila Oswaldo.
Napakaganda ng laro nito pero may mga oras na napapansin niyang nawawala ito sa pokus at iniikot ang paningin sa paligid. Parang may hinahanap ito sa mga manonood na hindi nito makita. Marahil ay napansin rin iyon ng coach ng mga ito kaya pinaupo muna ito. Halata niya ang disgusto nito pero wala na ring nagawa. Patuloy pa rin ito sa paglinga-linga kaya naman pinuntahan na niya.
“Oswaldo.”
Mabilis itong napalingon at napatayo. “Blaine! Kakarating mo lang?” napangiti na rin ito at lumapit sa kanyang kinatatayuan.
“Medyo. Anong nangyari?” tanong niya.
“Wala, pero okay na ako ngayon.” anito at tumayo bago lumapit sa coach nito. Hindi niya rinig ang naging usapan ng mga ito pero tumango ang coach nito at muli itong ipinasok sa laro. Higit na mas gumanda ang laro nito nang mga sumunod na minuto at tumitingin pa sa kanyang direksyon kapag nakaka-score ng goal.
Gusto niyang kiligin pero ayaw niyang mag assume lalo pa’t may mga magagandang estudyante mula sa Xavier School ang nasa kanyang tabi at naghihiyawan pa ang mga ito para i-cheer ang kanyang kaibigan.
“Kumusta ang laro ko, Blaine?” tanong nito matapos ang laro at dumiretso sa kanya.
“Ang galing mo. Medyo wala ka lang sa pokus sa umpisa.” komento niya.
Napangiti naman ito. “Susunduin tayo nila Mama. Sama ka ulit sa amin para mag celebrate ah.”
“Bago tayo pumunta sa ray diagrams, kailangan mo munang matutunan ang mirror equation at magnification equation –” rinig niya ang paghikab ni Oswaldo sa kanyang tabi. Nasa library ng school sila nito ngayon dahil tinuturuan niya ito ng mga topics na na-miss nito. Malapit na ang kanilang exam kaya naman kahit ayaw nito ay pinilit niya itong pumunta sa library para turuan.
“Ang hirap naman niyan.” komento nito.
“Kaya nga dapat ay makinig ka sa akin.” aniya. Ipinagpatuloy niya ang pagtuturo rito at nakinig naman ito pero agad ring nawawala ang atensyon nito.
“Blaine, tingin ka sa abs ko.”
Nanlaki ang kanyang mga mata at agad itong nilingon. Nakataas na ang t-shirt nito sa bandang tiyan para ipakita sa kanya ang ipinagmamayabang nitong abs. Nag init ang kanyang pisngi at agad ring iniwas ang tingin.
“Hoy, Oswaldo! Umayos ka nga.” mahina ang boses niyang pagsaway sa kaibigan. “At hindi ko titingnan iyang abs mo.”
Rinig niya ang pag tawa nito. “Pag mas gumanda pa itong abs ko. Who you ka sa akin, Blaine.” pang aasar pa nito na mas nagpa init sa kanyang pisngi. Inilibot niya ang paningin sa paligid at mukhang wala naman silang nadistorbo. “Ayaw mo lang tumingin baka mas maging crush mo ako lalo.”
“Makinig ka na nga. Iiwan talaga kita dito.” banta niya rito.
Umayos naman ito nang upo at sumeryoso. “Sorry, sige. Makikinig na ako.” kagaya ng pangako nito, nakinig na ito sa kanya. Kung minsan nga ay nagtatanong pa ito lalo na sa mga hindi nito maintidihang parte at sa bawat topic na natatapos nila ay tinatanong niya ito na walang problema naman nitong nasasagot.
Hapon na sila nang makalabas sa library. Tuwing exam week sa kanilang eskwelahan, binibigyan sila ng dalawang araw na mag-review o kaya naman ay mag-relax bago ang kanilang tatlong araw na examination.
“Grabe, mas nakakapagod pa mag review kesa mag training sa football.” komento nito at nag inat pa ng mga braso.
“Magre-review pa ulit tayo bukas.” aniya na ikinaungot nito.
Napatingala siya sa ulap at nakitang unti-unting dumidilim iyon. Mukhang uulan kaya naman inaya na niya si Oswaldo na umuwi na sinang ayunan naman nito. Habang nasa daan ay naramdaman na niya ang unang malalaking patak ng ulan na mabilis na bumabagsak.
Ang mahihinang pagpatak ay lumakas kaya naman inihinto na ni Oswaldo ang motorsiklo nito sa tabi ng daan at nakisilong sila sa harap ng isang saradong internet cafe. Pinagmasdan niya ang malakas na buhos ng ulan na binabasa ang motorsiklo ng kaibigan.
“Ligo tayo ng ulan, Blaine!” suhestiyon ni Oswaldo na kagaya niya ay pinapanood rin ang malakas na buhos ng ulan.
Nilingon niya ito at nakita niyang seryoso ito.
“Baka magkasakit tayo.” nagdadalawang isip niyang tugon. “Atsaka baka mabasa ang mga gamit natin.”
“Tayo lang naman ang maliligo. Iiwan natin ang mga bag dito.” anito at ibinaba ang bag at inilagay iyon sa isang tabi malayo sa tumatalsik na ulan. Hinubad rin nito ang pang itaas na nagpapula ng kanyang pisngi. Isinunod nito ang sapatos. “Mauuna ako, sunod ka ah.”
Walang pag aalinlangan itong humakbang at sumulay sa malakas na ulan. Mabilis na nabasa ang buong katawan nito at nakangiti siyang inanyaya. “Tara na, Blaine! Ang lamig ng tubig!”
Ibinaba na rin niya ang kanyang bag at hinubad ang sapatos at sumunod rito. Hinawakan nito ang kanyang kamay at hinila siya palayo sa ibinibigay na silong ng gusali. Napangiti na rin siya nang maramdaman ang malamig na tubig na binabasa ang kanyang buong katawan. “Ang lamig nga.”
Para silang bumalik sa pagkabata na tuwang-tuwa na naligo sa ulan. Palipat-lipat sila ni Oswaldo ng alulod na tinatapatan at hinahayaan ang malakas na buhos na tumama sa kanilang ulo at likod.
“Nilalamig na ako.” reklamo niya kalaunan.
“Gusto mo nang sumilong?”
“Ayoko pa.” pagtanggi niya rin. Minsan lang ang ganoong pagkakataon kaya sinulit na niya at pareho nila iyong nae-enjoy ni Oswaldo. “Ang tagal na simula nang makaligo tayo sa ulan.”
Napatawa ito. “Sa bahay pa namin ang huli at pinagalitan pa tayo ni mama dahil nahiga tayo sa daan.”
“Sa iyo kayang ideya iyon.”
“Halika rito para hindi ka ginawin.” anito at hinila siya. Nabigla siya nang yakapin siya nito pero hindi na rin siya nagreklamo. Niyakap niya na lang rin ito pabalik at idinantay ang pisngi sa dibdib nito. Dama niya ang init ng katawan nito at nakakaramdam siya ng matinding komporte mula doon. Rinig niya rin ang pintig ng dibdib nito. Gusto niyang malaman kung may puwang ba siya doon, hindi bilang isang kaibigan pero natatakot siya sa maaaring maging kasagutan.
Hindi niya alam kung ilang sandali na ang lumipas dahil parang tumitigil ang oras sa piling nito. Nang mga sandaling iyon, siya at si Oswaldo lamang ang nasa mundo.
“Nilalamig ka pa rin ba, Blaine?”
“Hindi na.” tugon niya at tiningala ito. Napalunok siya na makitang nakatitig ito sa kanya. Ilang dipa na lamang ang layo ng kanilang mga mukha at mararanasan na niya ang mahagkan ng mga labi nito.
“Blaine.” pagtawag nito.
“Oswaldo.” kinakabahan niyang usal.
Napalunok ito at parang bumagal ang lahat nang unti-unti itong yumuko palapit sa kanya pero bago pa man ito makagawa ng bagay na baka pagsisihan nito sa huli ay umiwas na siya. Lumingon siya sa gilid.
“Tara na, Oswaldo.” pag iwas niya.
Napatango ito at niluwagan ang pagkakayakap sa kanya. “Pasensya na, Blaine.”
“Ayos lang. Baka kasi magkasakit tayo dahil sa ulan.” pag iiba niya.
Mabilis naman itong nakabawi at matamis siyang nginitian. “Diretso na lang tayo sa bahay. Magpapaluto ako kay mama ng sopas para mainitan ang sikmura natin.” anito at inakbayan siya.
Napabuntong hininga siya at napakagat ng labi. Alam niyang pagkakataon na sana niya iyon pero hindi pa siya handa. Ayaw niya pang sumugal at ayaw niya pang masaktan.
Itutuloy…
_
_
Author’s Note: Actually hinihintay ko talaga na umabot sa 400 votes bago mag update (like what I did before) and since malapit na rin naman ang PART 12, here’s PART 13. Enjoy. See you in how many months again.
PART 14
PART 14
Blaine
“Basang-basa kayo sa ulan na dalawa. Hindi niyo hinintay na tumila ang ulan o naligo kayo?” iyon ang bungad sa kanila ng mama Ethan ni Oswaldo nang pagbuksan sila nito ng pinto.
Ilang na napangiti siya sa tabi ng kaibigan.
“Naligo kami, ma. Na-miss kasi namin ni Blaine maligo sa ulan.” tugon ni Oswaldo na ipinagpapasalamat niya dahil hindi niya alam ang itutugon sa kanyang tita Ethan. Sa likod nito ay sumilip rin ang mister nito pero kumpara sa kanyang tita Ethan, nakangiti at mukhang libang na libang pa ang kanyang tito Oscar.
“Naku talaga kayong mga bata. Pumasok na kayo at maligo. Magpalit kaagad kayo ng damit para hindi kayo magkasakit.” nag aalalang usal ng kanyang tita Ethan bago nilakihan ang pagkakabukas ng pinto.
“Sabay na kaming maliligo ni Blaine sa kwarto ko, ma.” ani Oswaldo na nagpalaki sa kanyang mga mata sa gulat.
Mabilis na napakunot ang noo ng mama Ethan nito. “Tumigil ka, Oscar Waldo. Doon sa kwarto namin ng papa mo maliligo si Blaine at papahiramin ng dating damit ng kuya Argo mo.”
Muli siyang nagpasalamat sa kanyang isip. Hindi pa siya handa na maligo kasabay ni Oswaldo.
Rinig niya ang pag ungot ni Oswaldo pero tumango na lang rin sa mama nito at dali-daling umakyat sa kwarto nito.
“Bumaba ka kaagad, anak ah. Hahainan ko kayo ni Blaine ng sopas at para mainitan ang mga sikmura niyo.” pahabol pa ng mama Ethan ni Oswaldo bago siya hinarap at napapailing pa. “Pagpasensyahan mo na si Oswald, Blaine. Namana niya lang talaga ang kakapalan ng mukha ng papa nito.”
Napangiti na lang siya. “Sanay na po ako kay Oswaldo, tita.”
Napatawa ito. “Dumiretso ka na lang sa kwarto namin, Blaine at maligo. Ilalagay ko na lang sa harap ang tuwalya at mga damit ni Argo. Kasyang-kasya iyon sa’yo. Mabuti na nga lang at medyo praning ang mister ko at itinago ang mga iyon sa isang karton.”
“Salamat po, tita.”
Nahihiya man, dumiretso na siya sa kwarto ng mag asawang Torrero at pumasok sa paliguan. Mabilis niyang hinubad ang basang uniporme at nagligo doon. Naki gamit na lang rin siya ng shampoo at shower gel doon bago lumabas. Bumungad kaagad sa kanya ang sabitan kung saan nandoon ang isang puting tuwalya at mga damit.
Pinunasan niya ang basang katawan at buhok ng tuwalya bago isinuot ang mga ipinahiram sa kanyang damit at kagaya nga ng sinabi ng kanyang tita Ethan. Saktong-sakto lang sa kanya ang t-shirt at shorts. May plastic bag din doon kaya kinuha niya ang mga basang uniporme at isinilid iyon doon.
Paglabas niya ay nasa sala na si Oswaldo. Kaswal na kaswal itong nakaupo sa sofa habang may pinapanood sa malaking telebisyon. Napalingon rin agad ito sa kanyang direksyon at nginitian siya at kinawayan.
“Blaine, halika ka dito.”
Napangiti siya sa kanyang isip sa kilig dahil sa ginawa nito pero hindi niya ipinahalata. Naglakad siya at naupo sa tabi nito.
“Sakto lang sayo ang damit ni kuya Argo.” anito nang mapatingin sa kanyang t-shirt.
“Kaya nga eh.”
“Pero mas bagay sana sa’yo ang t-shirt ko na ipapahiram kaso inunahan ako ni mama.” kaswal nitong usal bago ibinalik ang atensyon sa telebisyon. Namumula ang pisngi siyang napatingin rin sa TV kaso ang mga picture frames sa puting dingding ang umagaw sa kanyang atensyon. Graduation photos iyon ng kuya Argo at OJ. Mayroon rin si Oswaldo kaso Moving-Up photos iyon nang magtapos sila sa Grade 10. Ngayon niya lang iyon nakita kaya sigurado siyang bagong lagay lamang iyon.
“Ikaw na lang ang walang graduation picture sa inyong magkakapatid.” usal niya.
Napatingin rin si Oswaldo sa naka-frame na mga larawan. “Limang taon pa hihintayin nila mama at papa.” natatawa nitong usal.
“Ang laki kasi ng pagitan ng edad mo sa iyong mga kuya.” komento niya na rin at napangiti.
“Pero pag ako grumaduate sa college, dapat mas malaki ang frame ko kela kuya OJ at dapat meron rin na nakasuot ako ng pam-football na damit.” natatawa nitong ani pero basi sa tono nito, alam niyang nagbibiro lang si Oswaldo.
“Business course pala ang natapusan ng kuya OJ mo?” tanong niya rito matapos makita ang kulay dilaw na tela sa toga nito. Napapangiti rin siya dahil kitang-kita niya mula sa larawan ang pagkakahawig ni Oswaldo sa kuya OJ nito. Medyo seryoso nga lang ang mukha ng kuya nito kumpara sa masayahin at palaging nakangiti na si Oswaldo.
“Oo. Wala namang magagawa si kuya OJ dahil siya ang panganay at walang ibang magpapatuloy sa aming mga kainan kung hindi siya lang. Maging pulis talaga ang gusto ni kuya OJ pero hindi siya pinayagan ni papa dahil baka makapatay ng tao. May saltik daw kasi sa ulo ang isang iyon.” pagkukwento sa kanya ni Oswaldo habang nakatingin sila sa mga graduation picture ng mga kuya nito sa sala.
“Grabe ka naman, Oswaldo.” pagsaway niya rito.
“Si papa nagsabi niyon, hindi ako. Baka makutusan ako ni kuya OJ kapag sinubukan ko.” natatawa nitong usal. “Pero okay naman na si kuya OJ ngayon, hindi rin naman kasi pwede na si kuya Argo ang magpatakbo sa mga kainan namin. Bawal ma-stress ang isang iyon.”
Napatango siya. Alam niya naman ang rason kung bakit dahil naikwento na iyon sa kanya ni Oswaldo noon pa.
“Kapag naging tayo sa huli, magbubuhay prinsesa ka rin.” biglang usal ni Oswaldo na nagpalaki sa kanyang mga mata sa gulat at nagpapula ng kanyang mga pisngi sa kilig.
“Hoy, Oswaldo!” tigil ang kilig niyang pagsaway rito. Naiinis siya. Gusto niyang tumili at magtatalon sa kilig pero hindi niya magawa. Naiinis rin siya sa isiping binibiro lamang siya ni Oswaldo.
“Bakit? Totoo naman eh.” nakangiti nitong usal.
“Bolero.” napapairap niya na lang na usal.
Napatawa ito. “Biro lang. Magiging manager kita kaya ibig sabihin niyon ay pareho tayong merong trabaho. Ikaw ang magne-negotiate sa team na sasalihan ko kapag nagkataon.”
Natigil ang kanilang pag uusap nang tawagin sila ng mama Ethan nito sa hapag.
“Tara na, Blaine. Masarap pa naman ang sopas na niluluto ni mama.” anito at tumayo. Inilahad nito ang kamay na tinanggap niya para hilain ang katawan patayo. Saglit lang na nagdikit ang kanilang mga palad pero ramdam niya ang init mula sa mas malaki nitong kamay kumpara sa kanya.
“Salamat.” nag iinit ang pisngi niyang tugon at agad rin na binawi ang kamay.
Pumunta sila sa hapag kung saan nakahain na ang sopas, tinapay, at bagong timplang juice na sigurado siyang sariwa at gawa mismo sa tunay na prutas. Kung may isang bagay man siya na alam pagdating sa pamilya nila Oswaldo, iyon ang pagbibigay todo ng mga ito sa pagkain lalo na ang mama nito.
“Hmmm… ang bango, ma. Nagutom tuloy ako.” ani Oswaldo.
“Kumain na kayong dalawa at uminom kayo ng maraming orange juice ah lalo ka na Oswald. Kagagaling mo lang sa sakit. Ikaw talagang bata ka.”
Nginitian lang ni Oswaldo ang mama nito at niyakap.
“Hmppp… sige na, maupo na kayo ni Blaine at kumain.” utos nito sa anak pero halata niya ang paglambot ng ekspresyon nito sa paglalambing ng bunsong anak. Napabaling ang atensyon ng kanyang tita Ethan sa kanya. “Naku, saktong-sakto sa’yo ang mga damit ni Argo, Blaine.”
“Oo nga po, tita. Salamat po sa pagpapahiram.” nahihiya niyang ani.
“Huwag kang mahiya, Blaine. Hindi ka na iba sa amin.” pagdidismisa nito.
Naupo siya sa tabi ni Oswaldo at sinimulan nilang kumain. Ito pa ang nag sandok ng sopas at naglagay sa kanyang mangkok. Kinilig siya. Napapaisip siya na hindi niya kung minsan masisi ang sarili kung bakit siya nagkaroon ng pagtingin sa kaibigan. Huling-huli nito ang kanyang kilig kahit na sa mga simple nitong galaw.
“Salamat, Oswaldo.”
“Walang anuman.”
“Kumusta pala ang exam niyo? Exam niyo ngayon ‘di ba?” pagsingit ng mama Ethan nito na nakaupo sa kanilang harap kasama ng mister nito na tahimik lang na kumakain at nakikinig.
“Next week pa, ma. Pero wala akong pinoproblema dahil ni-review naman ako ni Blaine.” tugon ni Oswaldo at inakbay nito ang isang braso sa kanya. “Magaling at matalino pa naman itong si Blaine.”
“Hmmm… naku, Blaine. Huwag kang pumayag na libre lang ang review mo kay Oswald. Ginawa ka na nga niyang assistant kapag may laro siya.” sulsol sa kanya ng mama nito.
Rinig niya ang pagtawa ni Oswaldo. “Kiss ko na lang mamaya si Blaine bilang bayad. Okay naman na iyon para sa’yo, Blaine. ‘Di ba?”
Halos manlaki ang mata niya sa pagkabigla at agad na namula ang kanyang pisngi sa pang aasar ng kaibigan sa harap ng mga magulang nito. Pasimple niya itong kinurot na idinaing nito at ikinatawa.
“Kiss lang? Lugi ka diyan, Blaine. Huwag kang pumayag.” muling sulsol sa kanya ng mama nito. “Dapat i-date ka niya.”
Umiling siya. “Kahit hindi na po, tita.”
“Ide-date ko si Blaine sa Tagaytay pero dapat bigyan mo ako ng budget, ma. Babayaran ko na lang po kayo ni papa kapag may trabaho na ako.”
Nakangiting napalingon ang kanyang tita Ethan sa mister nito. “Okay lang, mahal?”
“Baka naman itanan mo si Blaine, Oswald.” nakakunot ang noo na usal ng kanyang tito Oscar sa anak nito.
“Parang kuya OJ at Argo lang.” komento ni Oswaldo.
“Oscar Waldo Torrero.” pagsaway ng mama nito sa kaibigan.
“Sorry, ma.”
Tumikhim ang papa Oscar nito bago nagsalita. “Sige na, mahal. Bigyan mo na ng budget ang isang iyan,” tugon nito sa tanong ng misis bago hinarap ang anak, “pero ihahatid namin kayo doon at ipapaalam mo si Blaine sa mama niya. Gusto kong patapusin niyo rin muna ang exam niyo at ang unang set ng mga laro mo sa football.”
Tumango ang kanyang kaibigan. “Sige po, pa.”
Hindi niya alam kung ano ang marararamdaman. Halo-halong emosyon ang gumugulo sa kanyang isip at isipan pero isa lang ang malinaw, namumutawi doon ang kanyang kilig na nararamdaman. Sigurado siyang simpleng paggagala lang ang tingin ni Oswaldo kapag natuloy sila sa Tagaytay pero para sa kanya, isang espesyal na araw iyon.
“Ayaw pa kasing ligawan si Blaine eh. Kapag naunahan ka ng ibang lalaki ayokong makakita ng isang praning at nagseselos na naman na Torrero ah.” natatawang usal ng mama Ethan nito at tumingin pa sa mister nito.
“Asa pa sila, ma. Ako kaya ang crush ni Blaine.”
Halos masamid siya sa sabaw ng sopas na hinihigop. Hindi siya makatingin sa magulang ni Oswaldo dahil baka makita ng mga ito ang pulang-pula niyang mukha.
“Ay aba, ang yabang. Manang-mana sa papa.” natatawa muling usal ng mama Ethan nito.
“Nadamay na naman ako, mahal.”
Pulang-pula man ang mukha sa hiya at kilig, hindi niya napigilang matawa na rin.
“Kanino pa ba magmamana si OJ at Oswald kung hindi sa iyo lang, mahal. Pero ayos lang. Gwapo naman katulad mo ang panganay at bunso natin.” ani ng mama Ethan ni Oswaldo bago humalik sa pisngi ng mister.
Napangiti siya. Isa rin ang mag asawang Torrero sa rason kung bakit nangangarap rin siyang magkaroon ng mapagmahal na kabiyak at masayang pamilya kahit na isa siyang bakla.
“Mama at papa, kumakain kami ni Blaine.” pagsingit ni Oswaldo na mas lalo niyang ikinatawa.
Matapos kumain ay umakyat silang dalawa ni Oswaldo sa kwarto nito. Umuulan pa rin sa labas kaya naman naisipan niyang samahan itong maglaro sa computer nito. Nang mabagot ay nahiga siya sa kama nito at pinagmasdan ang likod ni Oswaldo.
Napabuntong hininga siya. Gusto niyang sumandal at idantay ang ulo sa likod ni Oswaldo at palipasin ang ulan.
Mabilis siyang nag iwas ng tingin nang makitang lumingon ito.
“Ihahatid na lang kita mamaya sa inyo, Blaine.”
Umakto siyang humarap rito. “Sige.”
“Dito ka na lang kumain ng hapunan, Blaine.”
Umiling siya. “Hindi na, Oswaldo. Sa bahay na lang siguro ako kakain at para may kasabay si mama na kumain.”
“Ako na lang makikikain sa inyo.” nakangiti nitong usal.
“Pwede rin naman pero baka mag expect ka na kasing dami at sarap ng luto ng mama mo ah.”
Tumayo ito at naglakad papalapit sa kanya.
Napalunok siya habang pinagmamasdan si Oswaldo. Parang bumagal ang buong mundo niya habang nakatitig sa gwapo nitong mukha na kailanman ay hindi niya pinagsasawaang tingnan.
“Hindi naman ako mapili sa pagkain.” anito at pabagsak na nahiga at yumakap sa kanyang tiyan. “Inaantok ako.”
Muling nag init ang kanyang buong mukha. “Hoy, Oswaldo. Nakikiliti ako. Umalis ka nga diyan.” halos mautal pa siya sa pagsaway rito dahil sa lakas ng kalabog ng kanyang dibdib.
Umalis naman ito at tumihaya ng higa. “Pero sa inyo talaga ako kakain ng hapunan ah. Sabihan mo si tita na gusto ko ng sinigang.”
“Aba nag request ka pa talaga ah. Hindi ko alam kung anong lulutuin ni mama. Baka nga nakapagluto na si mama pagdating natin sa aming bahay.” tugon niya kalaunan habang pinipilit na pakalmahin ang sarili. Naiinis siya na ganoon kalakas ang epekto sa kanya ni Oswaldo sa simpleng pagyakap lang. Papaano pa kaya kung hahalikan siya nito? Napalunok siya. Hindi niya maimahe pero baka himatayin siya.
“Matutulog muna ako, Blaine. Gisingin mo na lang ako mamaya ah.”
Tumango siya. “Sige.”
Pasado ala singko na nang tuluyang tumigil ang ulan kaya ginising na niya si Oswaldo. Tinapik-tapik niya ang pisngi nito. “Oswaldo, gising na. Ihahatid mo pa ako ‘di ba?”
Mariin itong napapikit at tumango. “Bihis lang ako.”
Tumayo ito at dumiretso sa cabinet nito. Mabilis siyang lumingon nang maghubad ito ng suot na sando. Gusto niyang sumilip pero baka wala na siyang mukhang maiharap kay Oswaldo kapag nahuli siya nito.
“Suotin mo ito, Blaine.”
Paglingon niya ay tapos na itong magbihis. Nakasuot na ito ng jogging pants, naka-jacket, at may sumbrero. Lumapit ito at inabutan siya ng jacket na katulad ng suot nito. Kulay itim rin pero higit na mas maliit.
“Para sa’yo, Blaine. Inorder ko kasabay nitong akin para partner tayo.” nakangiti nitong usal. “Isuot mo na para makita ko.”
Tumayo siya at isinuot iyon. Saktong-sakto lang sa kanya ang jacket at doon niya lang napansin ang kanyang pangalan na nakaburda sa bandang dibdib. “Ang ganda. Saktong-sakto lang rin sa akin. Salamat, Oswaldo.”
“Walang anuman. Nagustuhan mo?”
“Oo.” nakangiti niyang usal.
“Wala man lang kiss diyan?” pang aasar na naman nito na hindi niya na lang pinansin. “Biro lang.”
Bumaba na silang dalawa at nagpaalam sa mga magulang nito. Kinuha niya muna ang mga basa niyang uniporme sa kwarto ng mga ito at nagpasalamat na rin siya sa mag aswang Torrero.
“Wala iyon, Blaine. Alam mong lagi kang welcome dito sa bahay namin.” pagdidisma ng kanyang tita Ethan. “Pero ang cute nyo tingnan sa magkapareho niyong jacket.”
“Sige po, ma at pa. Ihahatid ko muna si Blaine.”
“Mag ingat kayong dalawa at umuwi ka kaagad Oswald at maghahapunan pa tayo.”
“Baka kela Blaine na ako makikain, ma.”
“Wait, may ipapadala muna ako kay mare.” nagmamadaling pumasok ito sa bahay at pagbalik ay may paper bag na itong dala. Puno iyon ng mga tinapay at kahit nakabalot ay amoy na amoy niya ang masarap na amoy. “Bigay mo kay mama mo, Blaine.”
“Salamat po, tita.”
“Sige na. Huwag ng dumaan sa kung saan-saan pa ah.”
Yumakap si Oswaldo sa mama at papa nito bago sila umalis lulan ng motorsiklo nito.
“Sabihin mo kay mama mo Oswald na salamat ah.” nakangiting ani ng kanyang mama pagkapasok nila ni Oswaldo sa bahay nila.
“Sige po, tita.” tugon naman ng kanyang kaibigan habang siya naman ay dumiretso sa CR para ilagay sa batsa ang basang mga uniporme. Lalabahan niya pa iyon mamaya.
“Ma, dito daw makikikain si Oswaldo.” aniya paglabas.
“Ay sige. Nakaluto naman na ako. Blaine, maghain ka na at para makakain na si Oswald.” utos sa kanya ng kanyang mama. Napailing na lang siya sa kanyang isip at napangiti. Parang si Oswaldo pa ang anak ng kanyang mama. “Kumakain ka ba ng laing, Oswald?”
“Opo, tita. Nagluluto rin kasi niyan si mama kapag nagre-request si papa.”
“Ay mabuti naman. Maupo ka na at tutulungan ko lang si Blaine na maghain.”
Rinig niyang usapan ng mga ito habang siya ay abala sa paglalagay ng bagong saing na kanin sa isang malaking plato. Ang mama niya ang kumuha ng mga plato at kutsara’t tinidor at dinala na rin nito patungo sa hapag ang kanin kaya kumuha siya ng malaking mangkok at iyon ang nilagyan ng ulam.
“Kumain ka na Oswald. Kapag nabitin ka ay magsabi ka lang. Kaya naman pala may nagtutulak sa akin na magsaing ng maraming kanin kanina, bibisita pala ang boyfriend ng anak ko.”
“Mama.” pagprotesta niya habang napangiti lang si Oswaldo. Hindi niya alam pero kanina pa sila inaasar ni Oswaldo. Naiinis na siya at gusto niya na lang totohanin pero biro niya lang iyon. Wala siyang lakas ng loob na magtapat sa kaibigan at natatakot siya sa baka maging tugon nito.
“Pero pabor ba kayo sa akin, tita?” tanong ni Oswaldo sa kanyang mama.
“Oo naman. Gwapo at mabait? Naku, pabor na pabor talaga ako.”
“Ayos lang po ba kapag niligawan ko si Blaine?” tanong ni Oswaldo.
Halos malaglag ang kanyang panga sa narinig.
Itutuloy…
PART 15
PART 15
Blaine
“Ayos lang po ba kapag niligawan ko si Blaine?” tanong ni Oswaldo sa kanyang ina na nagpalaglag ng kanyang panga sa pagkabigla. Nasamid pa siya at agad na napakuha ng baso ng tubig at uminom. Nanlalaki ang mga mata at namumula ang mukha niyang tiningnan ang matalik na kaibigan pero sa kanyang ina ito nakatutok, nakangiti pa ito.
“Oo naman, Oswald. Suportado ko iyang si Blaine sa kanyang pagkatao at kung may lalaki man akong gustong manligaw sa anak ko. Ikaw iyon, Oswald.” nakangiting tugon ng kanyang ina.
Mas lumapad ang ngiti ni Oswaldo bago siya nilingon at kinindatan. “Pero mukhang hindi ko na nga ata kailangang ligawan si Blaine, tita.” nang aasar nitong usal.
“Kapal ng mukha.” mahina niya na lang na usal na tinawanan naman ni Oswaldo.
Maging ang kanyang ina ay napatawa na rin. “Kaya nga ligawan mo na para maging kayo na agad. Huwag nang babagal-bagal, Oswald. Baka maunahan ka pa ng iba.” makahulugang usal ng kanyang ina.
“Oo nga pala, tita. Ipagpapaalam ko po pala si Blaine sa inyo.” pag iiba ni Oswaldo ng usapan habang siya naman ay hindi pa rin makapagsalita sa palitan ng mga ito. “Magde-date po kaming dalawa.”
“Hay, naku. Kahit next year pa kayo umuwi. Ayos lang sa akin.” natatawang tugon ng kanyang mama na tinawanan rin ni Oswaldo.
“Mama naman.” pagsingit niya. “Hindi iyon date, ma. Suhol iyon sa akin ni Oswaldo sa pagre-review ko sa kanya sa mga lesson namin sa school.”
“Ano pa man ang tawag sa gagawin niyo, pumapayag ako. Mag ingat lang kayo lagi ah.” seryosong usal ng kanyang mama na tinanguan nilang dalawa.
Lihim siyang nagpasalamat nang tumahimik na sila sa buong durasyon ng kanilang pagkain. Pagkatapos niyon ay tinulungan niya muna ang kanyang mama na iligpit ang kanilang mga pinagkainan bago sinamahan si Oswaldo palabas ng kanilang bahay.
“Nabusog ako doon ah. Pakisabi kay tita na salamat, Blaine.” nakangiti nitong usal habang nakaupo sa nakatigil nitong motorsiklo. Litaw na litaw ang magaganda at mapuputi nitong ngipin na mas lalong nagpapa-gwapo kay Oswaldo at hindi niya maiwasang mas lalong humanga rito. “At salamat rin sa’yo, Blaine.”
“Naku, wala iyon. Lagi rin naman akong nakikikain sa inyo eh. May pa bring home pa nga kung minsan.” tugon niya at hindi maiwasang mahawa sa mga ngiti ni Oswaldo.
“Namumula ang pisngi mo. Kinikilig ka sa akin, ano?” pang aalaska nito na mas lalong nagpainit sa kanyang mga pisngi.
“Huwag ka ngang feeling, Oswaldo.” pagtanggi niya. “Napangiti lang ako sa pagiging mapagbigay ni tita Ethan. Hindi pwedeng wala akong dala pauwi kapag galing sa inyong bahay.”
“Parang hindi ka pa nasanay sa mama ko.” komento rin ni Oswaldo.
“Sige na, umuwi ka na at madilim na sa daan.”
“Ouch! Pinapaalis mo na agad ako, Blaine? Gusto pa nga kitang makausap.” ani Oswaldo at umarte pa itong nasaktan at napahawak sa dibdib. “Grabe ka, Blaine. Wala kang puso.”
“Hoy, Oswaldo! Concern lang ako sa’yo.” pagklaro niya bago ito inirapan.
Tumawa ito. “Biro lang, Blaine. Sige, mauuna na ako.” anito at pinaandar ang motorsiklo.
“Sige, bye. Mag ingat ka.”
“Ikaw rin.” tugon nito at kinindatan pa siya bago nito pinatakbo ang motorsiklo.
Pinanood niyang makaalis si Oswaldo lulan ng motorsiklo nito. Napabuntong hininga siya nang maiwan siya sa harap ng kanilang bahay na nag iisa. Namumula pa rin ang kanyang mga pisngi at malakas ang kalabog ng dibdib. Sa mga simpleng tagpo na katulad niyon siya mas lalong nahuhulog kay Oswaldo.
LUNES…
Kagaya ng kanilang nakagawian. Umaga pa lamang ay sinundo na siya ni Oswaldo ng motorsiklo nito at sabay silang pumunta sa kanilang pinapasukang eskwelahan. Exam day nila at para sa katulad niyang academic scholar ng kanilang school ay seryosong araw iyon. Hindi naman siya tensyonado o ano pa man, sadyang gusto niya lamang na mapanatili ang matataas niyang mga grado at maipasa ang kanilang mga exam.
Pagkarating nila sa kanilang classroom ay kinuha niya ang notebook niya mula sa bag at nagbasa pa ng kaunti. Natigil lamang siya nang dumating ang kanilang adviser. Ibinalik niya ang kanyang notebook sa bag. Dahil exam day nila, ipinalagay sa likod na parte ng kanilang classroom ang kanilang mga gamit. Tanging lapis na pang shade at pambura lamang ang kanilang pwedeng dalhin.
Habang nagsasagot ng exam ay napalingon siya kay Oswaldo. Pre-Calculus ang una nilang test para sa umagang iyon at kaswal lamang itong nagbabasa. Kung minsan ay nagsusulat rin sa kanilang test booklet para mag-solve bago ito nagse-shade sa kanilang test paper.
Hindi niya maiwasang mapangiti. Isa iyon sa mga hinahangaan niya kay Oswaldo. Hindi ito ang tipikal na “Jock” na magaling sa napili nitong sport pero napag iiwanan sa academics. Sa totoo nga ay matalino ito. Consistent ang matataas nitong mga score sa kanilang mga quiz, activity, at test. Kung hindi nga lang siguro dahil sa mga araw na hindi ito nakaka attend ng kanilang mga klase para sa mga practice at laro nito ay baka mas tumaas pa ito sa kanilang class rankings.
Ibinalik niya ang atensyon sa kanyang test. Nasundan pa iyon ng exam sa General Math at Oral Communication bago nag ring ang bell para sa kanilang lunch break.
Agad na tumayo sa gilid niya si Oswaldo at nag inat. “Grabe. Nangalay ang mga kamay at binti ko sa apat na oras na pagkakaupo.” reklamo nito na ikinangiti niya. “Sa labas na tayo kumain, Blaine.”
Tumango siya. Bakante na rin kasi sila buong hapon dahil halfday lang sila tuwing exam days at hanggang Wednesday iyon.
“Ako na kukuha ng bag mo.” presenta nito at dumiretso sa likod ng kanilang classroom at pagkabalik nito ay dala na nito ang kanyang bag pero imbes na ibigay iyon sa kanya ay isinukbit nito iyon sa kabila nitong balikat. “Tara na, Blaine.”
Sabay sila nitong naglakad papunta sa parking lot ng kanilang eskwelahan kung saan nito ipinarada ang motorsiklo. Sa daan ay marami silang mga schoolmate na nakakasalubong at karamihan doon ay binabati si Oswaldo na nakangiti ring tinutugunan ng kanyang matalik na kaibigan.
“Saan mo nga palang gustong kumain, Blaine?” tanong nito sa kanya pagkarating sa parking lot.
“Ikaw na bahala, Oswaldo. Libre mo naman eh.” tugon niya bago kinuha ang helmet na inabot nito. “Akin nga pala iyang bag ko para hindi ka mahirapan.”
“Sa mall na lang tayo para marami tayong pagpilian.” pasya nito kalaunan at naunang sumampa sa motorsiklo. Sumunod siya at yumakap sa bewang nito mula sa likod. Namula ang kanyang mga pisngi at nakaramdam ng kilig. Hindi niya maipaliwanag pero parang napakanatural niyon. Para bang ang kapalaran na ang nagtakda na mapunta sila sa ganoong posisyon at nakaguhit na sa kanilang mga palad ang mga pagkakataon na naka angkas siya sa motorsiklo nito at nakayakap mula sa likod. “Okay ka na, Blaine?” tanong nito.
“Oo, Oswaldo.” tugon niya kahit na nagwawala ang puso niya sa kanyang dibdib.
Pagkarating nila sa mall ay ipinarada lamang ni Oswaldo ang motorsiklo nito sa isang malilim na parte at sabay silang pumasok. Sa isang coffee shop siya nito dinala. Dahil iyon ang unang beses niya doon ay sinamahan niya ito sa counter at tiningnan ang menu. Medyo nalula siya sa presyo pero hindi niya ipinahalata lalo na at hindi naman siya ang magbabayad.
Bahagyang lumapit si Oswaldo sa counter at nakangiting bumati sa cashier.
“Isang carbonara, mini pepperoni pizza, at iyong chocolate milkshake.” pag order ni Oswaldo bago siya nilingon. “Anong sa’yo, Blaine?”
“Baked spaghetti lang atsaka isa ring chocolate milkshake.” timid niyang tugon.
“May additional order pa po ba kayo, Sir?” tanong ng cashier.
“Iyon lang, Miss.” tugon ni Oswaldo at nagbayad. Binigyan sila ng isang number standee at ihahatid na lang daw ang kanilang order.
Sa isang pang apatan na booth sila naupo at tinabihan pa siya ni Oswaldo.
“Kumusta ang exam mo, Oswaldo?” tanong niya rito.
“Nagutom ako sa exam natin. Dalawang magkasunod na math ba naman para sa first day.” reklamo ni Oswaldo na ikinatawa niya. Napapailing ito at natatawa na rin sa sarili. “Pero okay naman dahil naalala ko naman ang mga itinuro mo, Blaine. Salamat talaga sa’yo.”
Napangiti siya at kinilig. “Wala iyon, ano ka ba. Atsaka tiningnan kita kanina, parang hindi ka nga nahirapan eh.”
Napangiti rin ito. “Magaling kasi ang nag review sa akin.”
Mas lalong namula ang kanyang pisngi sa kilig. “Napaka bolero mo talaga, Oswaldo.”
Natawa ito. “Totoo naman eh. Marami kaya akong nalaktawang lesson at kung hindi dahil sa’yo eh baka iniwan ko na lang na blangko ang ibang mga tanong doon.” tugon nito. “Sa sobrang saya ko ay parang gusto kitang halikan.” pahabol nito na nagpatigil sa kanya.
Nanlalaki ang mga mata niya itong tiningnan. “A-ano?” nauutal niya pang tanong.
“Baka mahalikan kita sa sobrang saya ko.” pag uulit nito na parang wala lang habang siya ay parang aatakihin na sa puso sa kung gaano kalakas ang pagkalabog ng kanyang dibdib sa halo-halong emosyon na nararamdaman. “Gusto mo ba iyon?” nakangiti nitong tanong at kinindatan pa siya.
Napairap na lamang siya. “Ewan ko sayo, Oswaldo.”
Muli itong natawa. “Binibiro lang kita, Blaine pero seryoso ako sa pasasalamat ko. Hindi ko makita ang sarili ko na hindi kita kaibigan.” seryoso nitong usal at may kakaibang saya sa dibdib niyang dala ang mga salitang iyon. Napaka sinsero rin ng pagkakasabi ni Oswaldo na nagnapainit ng kanyang mukha.
Maging siya rin naman ay hindi maimahe na hindi kaibigan si Oswaldo. Halos buong kabataan nila ay sila na ang laging magkasama at mas pinagtibay pa ng panahon ang kanilang pagkakaibigan. Minsan nga ay napapaisip rin siya kung papaano sila nag click sa isa’t isa lalo na at napakalayo ng kanilang mga ugali. Tahimik siya habang ito naman ay maingay at masiyahin. Sanay siyang naglalaro ng mag isa habang si Oswaldo naman ay palakaibigan at laging sentro sa bawat grupo.
“Kahit ako rin naman.” tugon niya rito.
Natigil ang kanilang pag uusap nang dumating ang kanilang inorder na pagkain. Matapos maibigay ang kompleto nilang order ay kinuha na ng server ang number standee at umalis.
“Sakto at nagugutom na ako.” ani Oswaldo at sinimulan ng kumain. Nakigaya na rin at habang nagsasalo ay hindi maiwasang mapansin ang dalawang babae na nasa kabilang panig ng coffee shop. Sigurado silang kaedaran lang rin nila ang dalawa at kanina niya pa nakikita na patingin-tingin ang mga ito sa kanilang direksyon, partikular na kay Oswaldo. “Kung gusto mo ng pizza, Blaine. Kumuha ka lang.” alok nito sa kanya. Hindi niya alam kung hindi ba nito napapansin ang dalawang babae o sadyang wala lamang itong pakialam.
“Salamat.” tugon niya pero ang kanyang isip ay bumabalik sa dalawang babae. Hindi niya masisi ang mga ito dahil gwapo naman talaga si Oswaldo. Maraming beses na niya itong nakakasama na gumala sa mall at nakaka agaw talaga ito ng pansin mula sa mga babae nilang kaedaran. Ito iyong tipo ng makakasalubong mo sa mall at mapapalingon ka sa gwapo.
“Ayos ka lang, Blaine?” tanong nito kalaunan. “Hindi mo ginagalaw ang pagkain mo. Hindi mo ba nagustuhan ang lasa?”
Umiling siya. “Wala, may naisip lang ako.” pagdadahilan niya at ipinakita rito ang pagkain. “Atsaka masarap kaya ang pagkain dito. Tingnan mo nga oh at nakakalahati mo na ang sa iyo.”
Natawa si Oswaldo. “Bukod sa masarap na, eh gutom rin talaga ako. Mas nakakagutom talaga para sa akin ang mag exam kesa maglaro ng football.”
“Halata naman.” tugon niya.
“Hi, excuse me.” pareho silang natigil nang lumapit ang dalawang babae sa kanilang table. Dala ng mga ito ang tray na may pagkain ng mga ito. Doon niya nakita kung gaano kaganda ang mga ito at hindi maiwasang mapakagat ng labi at mapaisip. Sigurado siyang ganoong mga babae ang tipo at bagay kay Oswaldo. Mga magaganda, makikinis ang balat, maganda manamit at mag ayos ng sarili.
Isang malaking sampal ang presensya ng mga ito sa kanya lalo na at interesado ang mga ito kay Oswaldo.
“We can’t help but noticed na kayong dalawa lang and maybe we can join you.” pagpapatuloy ng babae.
“Yeah, para pairing tayo.” dagdag pa ng isang babae.
“I’m Julia, by the way.” pakilala ng mas matangkad sa dalawa at higit na mas kapansin-pansin ang ganda. “And this is my friend slash cousin, Kaitlyn.”
Hindi siya nakatugon at nilingon na lang si Oswaldo. Ito rin naman ang nanglibre sa kanya doon kaya ito ang hahayaan niyang mag desisyon. Kung gusto nitong paupuin ang dalawang babae eh wala na siyang magagawa. Hindi niya rin ito masisisi kung papayag ito lalo na at magaganda ang mga babae.
Napakagat siya ng labi sa kakaibang sakit na kumurot sa kanyang dibdib. Kahit na ano palang gawin niyang pagsasawalang bahala at paulit-ulit na pagpapaalala sa kanyang sarili na kaibigan lang siya ni Oswaldo at darating ang panahon na may makikilala itong babae na magiging espesyal para rito ay nasasaktan pa rin siya.
Gusto niyang maiyak. Bakit ba kasi umaasa pa siya na magiging sila sa huli? Bakit nga ba nagpapadala siya sa mga panunukso nito at ng kanilang mga magulang?
Napatingin rin sa kanya si Oswaldo bago napakunot ang noo nito at nabigla siya nang ngitian siya nito ng ubod ng tamis na halos maningkit pa ang mga mata nito bago siya inakbayan at mas inilapit sa tabi nito.
Namula ang kanyang pisngi sa ginawa nito lalo na sa harap ng dalawang babae.
“Pasensya na ah pero hindi pwede eh.” pagtanggi ni Oswaldo. “Atsaka nagde-date kasi kaming dalawa. Seloso pa naman itong babe ko.” dagdag ni Oswaldo na nagpalaki ng kanyang mga mata sa pagkakabigla. Bumakas rin ang gulat sa mukha ng dalawang babae na nagpalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.
Hindi siya makapagsalita. Wala siyang ibang marinig kung hindi ang malakas na pagkalabog ng kanyang dibdib. Hindi na lang mukha niya ang nag iinit dahil maging ang kanyang mga tenga ay parang umuusok na rin sa init at pamumula.
Pinisil-pisil ni Oswaldo ang kanyang braso at hinimas-himas iyon. “Pasensya na kayo ah. Minsan lang kami mag date nitong babe ko kaya mas gugustuhin naming mapag isa.” pagpapatuloy ni Oswaldo at nakangiti pa siyang tiningnan. “Hindi ba, babe?” tanong nito sa kanya at ang pinaka bumigla sa kanya ay nang halikan siya nito sa pisngi.
Saglit lamang ang pagdampi ng mainit nitong labi sa kanyang pisngi pero ramdam niya ang pag iinit ng balat niya doon na mas lalong nagpagulo sa kanyang sistema. Parang sasabog ang kanyang buong katawan sa kilig. Kinuha pa ni Oswaldo ang kanyang kanang kamay at idinaop nito sa kaliwa nitong kamay.
“Kung hindi niyo mamasamain, Julia at Kaitlyn. Gusto naming mapag isa na dalawa nitong babe ko.” nakangiti nitong usal at kinindatan pa siya. “Love you, babe.”
Itutuloy…
Happy Holidays, everyone. 🎄 Enjoy! Don’t forget to vote and comment 🩷
