HULING KABANATA (HIATUS)
ThePageWriter · 4 chapters · 5,224 words
SIMULA
“Kapag nagmahal ka, hindi na mahalaga ang sasabihin ng iba.”
Inspired from a novel written by Chai Jidan, “Are You Addicted?”
Ang istoryang ito ay iniaalay ko sa mga taong ilang beses nabigo at laging handang bumangon sa kahit ano pang hamon ng buhay. Ngiti ka lang parati, kaibigan. Habang nabubuhay tayo ay hindi tayo dapat nawawalan ng pag-asa.
S I M U L A
Ilang taon na akong nagsisimba at araw-araw na nagdarasal pero parang walang nagbabago. May sakit pa rin si mama at hindi pa rin ako nakakatakas sa impeyernong buhay 'to.
“Saan ba ako nagkulang?” tanong ko sa aking sarili. Hindi ko masagot ang sarili kong katanungan kaya naman hindi ko mapigil ang aking luha habang nakikinig sa Pari na nagsesermon sa unahan.
“Ang kahulugan ng buhay ay hindi nababase sa kung ano ang mayroon ang iba na wala ka at hindi rin nasusukat ang yaman sa dami ng iyong pera dahil ang tunay na puri na matatanggap ng isang tao ay nasa puso niya.” Ang wika pa ng Pari pero hindi ko iyon maunawaan dahil hindi ko nakikita iyon sa buhay ko.. sa buhay namin ni mama.
Dalawa na lang kami ni mama sa buhay at ngayo’y ay nagkasakit pa siya ng malubha. Si papa, hindi ko alam kung nasaan na siya, basta ang alam ko ay patay na siya dahil pinatay na rin naman niya kami sa hirap. Makasarili siya. Kung nandito sana siya ay hindi kami naghihirap ni mama ngayon ng ganito.
“Tino, ’yung mama mo isinugod sa ospital. Nahimatay daw sa palengke kanina.” Ang naghahabol-hingang sabi ni Ariel kaya naman nagmadali akong tumayo mula sa aking kinauupuan at umangkas ako sa bisikleta ni Ariel.
“Ariel bilisan mo pa ang pagpapatakbo mo dahil baka hindi ko na maabutan si mama. Isusumpa ko ang sarili ko kapag nangyari ’yon.” Halos pasigaw ngunit garalgal ang boses ko nang sabihin ko iyon dahil hindi ko na rin mapigilang maging emosyonal.
Ilang beses nang nahihimatay si mama at ilang beses na siyang nagpapabalik-balik sa hospital dahil sa sakit niya. Ang sabi pa ng doctor ay hindi na raw magtatagal si mama pero hindi ako naniniwala dahil sino siya para sabihin na hindi na magtatagl si mama. Diyos ba siya?
“Tino, nandito na tayo,” tapik ni Ariel ang nagpabalik sa akin sa normal na estado ng aking pag-iisip. Mabilis ang ginawa kong pagtakbo papasok sa ospital at naabutan ko si mama na nakaupo kasama ng mga pasyenteng marahil ay walang pambayad gaya namin.
Nanlumo ako sa nakita ko. Nanlumo ako sa dalawang dahilan. Halos nag-aagaw na si mama at ang pangalawa ay tatlong daan na lamang ang laman ng aking bulsa.
“Ma!” singhal ko habang tumatangis sa tabi ni mama. Pinakiramdaman ko ang kanyang paghinga at nang imulat niya ang kaniyang mata ay niyakap ko siya ng mahigpit. Bago pa man ako muling magsalita ay narinig kong nagsalita si mama.
“T-tino, ana-” hindi na niya natapos ang gusto niyang sabihin dahil bigla na lamang siyang nagsuka ng dugo at mayroon ding lumalabas sa kaniyang ilong.
“Dok!” Ang sigaw ko at nataranta rin si Aries nang marinig akong sumisigaw. Iniwan ko kasi siya sa labas.
“Dok, ’yung nanay ko po!” Umiiyak na sigaw ko at doon pa lamang lumapit ang mga nurse na naka-duty sa naturang hospital.
“Sir, kayo po ba ang kasama ng pasyente?” Nagawa pang magtanong ng nurse imbes na unahin si mama na nag-aagaw buhay sa tabi ko.
“Si mama po.. anak niya po ako. Wala ho ba kayong gagawin?” Humahangos na tugon ko at magtatanong pa sana siya nang sumingit na ang iba pang mga pasyenteng naroroon.
“Nurse, maawa ho kayo sa ale, mauubusan na ho ng dugo. Asikasuhin niyo na!” Sabi ng isang lalaking naghihintay din.
“Miss, ’wag niyo ng tanungin. Umaksyon kayo!” Sigaw naman ng isang matanda na lumapit sa amin. Bumuhos ang simpatya ng tao sa amin ni mama at saglit na niyakap ako ni mama at hinawakan ko ang kaniyang kamay.
“Ma, laban lang po.” Sabi ko at ngumiti siya ng pilit.
“Anak, Rolando Custodio.. ’yang ang pangalan ng papa mo. Hanapin mo siya kung sakaling mawala na ako sa mundo.” Nagpupumilit na wika ni mama at muli siyang sumuka ng dugo na siya ring naging dahilan para maiyak ako. Doon din ay galit na galit ako sa mga nurse na naroroon dahil wala silang ginagawa. Iintayin pa ata nilang mamatay si mama bago sila may gawin.
Tila yata umambon ang awa sa kanilang mga mata dahil agad nilang inasikaso si mama pero huli na. Nawalan na ako lalo ng pag-asa nang maduwal si mama mula sa pagkakaupo at unti-unti ring humiwalay ang kamay niya sa kamay ko.
“Ma!” sigaw ko habang umiiyak dahil ang pinakamahalagang tao sa buhay ko ay nag-aagaw buhay pero wala akong magawa.
Isinugod si mama sa emergency room ay naiwan ako roon na umiiyak sa labas kasama si Ariel. Umiiyak din siya at lalo pa kaming umiyak dahil matapos ang isang oras ay kinumperma ng doctor at mga nurse na naroon na patay na si mama.
“Hindi ho ’yan totoo!” sigaw ko at pumasok ako sa loob kasama si Ariel at sabay kaming nanghina nang itaas ko ang telang nakabalot kay mama.
Doon din ay naisip ko na gusto ko na lang din mamatay.
Itutuloy…
UNANG BAHAGI
Xu Weizhou as Tino
U N A N G B A H A G I :
ANG LALAKI SA BAR
TINO
Malipas ang ilang buwan ay napakalaki na nagbago sa buhay ko. Wala na si mama at hindi ko inaasahan na mabilis akong iniwan ni mama. Leukemia ang naging sakit ni mama at ayoko na sanang alalahanin pa ang lahat pero tila bangungot ang aking hinarap. Gusto ko sanang idemanda ang mga walang pusong mga nurse roon sa hospital pero hindi ko iyon magawa dahil wala naman akong pera. Sa katunayan nga ay nailibing si mama dahil sa tulong lamang ng aming mayor na nagpaabot ng tulong sa akin at lalo na si Ariel na hindi ako iniwan.
“Tino, okay ka lang ba? Ang lalim na naman yata ng iniisip mo.” Pahayag ni Ariel na kumakain ng manggang hilaw sa tabi ko.
“Naiisip ko lang si mama. Masama ba ’yon?” Ang kaswal na sagot ko naman sa kanya.
“Hindi naman masama pero ’wag mo lang araw-arawin. Ang payat payat mo na lalo. Hindi ka ba natingin sa salamin?” Dagdag pa niya na siya namang totoong nagsasalaysay ng pinagdaanan ko bilang tao.
“H’wag mo akong alalahanin dahil makakabawi ako kapag naging okay ako.” Sagot ko. “Tsaka, kasalanan ko ba na walang lasa ang mga pagkain na nakakain ko?” Sabi ko pa bago kumuha ng mangga at kinagat ko iyon.
“Sige. Sabi mo, e. Basta ’wag mong pabayaan ang sarili mo.” Sabi pa niya bago naghugas ng kamay sa poso.
“Bilisan mo na r’yan dahil maghahakot pa tayo ng panggatong. Sayang din ang singkenta pesos” Paalala niya at tumayo naman ako para maghinaw na rin dahil may hahakutin pa kaming mga panggatong.
Matapos naming maghinaw ay minabuti naming magsimula ng magsalansan ng kahoy na putol putol at inilagay namin iyon sa sako. Pinahakot kasi iyon sa amin ni Mang Nestor dahil gagawin daw uling. Mabuti na lamang at dalawa kami ni Ariel kaya medyo mapapabilis kami.
“Tig dalawang sako na lang pala tayo, eh. Bilisan na natin.” Sabi niya bago niya pasanin ang isang sako sa kaniyang kanang balikat.
“Sige. Bilisan natin para makapagpahinga na tayo.” Sabi ko naman at kinarga ko na rin ang sako na naglalaman ng mga kahoy sa aking balikat.
May kalayuan ang bahay ni Mang Nestor at maputik ang kalsada pero hindi iyon hadlang dahil hanggang pagkakakitaan ay papasukin namin ni Ariel. Nag-iipon na rin kasi kami dahil naisipan namin na tumungtong na sa kolehiyo sa kabilang bayan upang hindi kami mamatay ng walang pinag-aralan gaya ng aming mga magulang.
Habang nasa ganoon ako ng pag-iisip nang may biglang sasakyan ang dumaan kung kaya’t naalarma ako sa putik na siya ngang tumalsik sa aking muka.
“Hindi kasi marunong tumabi!” Sabi pa ng driver ng naturang sasakyan kaya nag-init ang ulo ko pero wala akong panahon na makipag-away kaya tinandaan ko na lamang ang plaka ng kaniyang sasakyan para sa susunod ay alam ko na ang dapat gawin sa kanya.
“Oh, anong nangyari sa muka mo? Puro putik.” Natatawang sabi ni Ariel nang maabutan ko siyang nag-aayos na ng huling sako na hahakutin niya.
“Wala ’to. Nadulas lang ako kanina. Nawalan ako ng balanse.” Pagsisinungaling ko.
“Medyo madulas nga. Ingat sa susunod.” Aniya at saka naglakad palayo sa akin.
Mabilis naming natapos ang paghahakot at alas tres pa lamang ng hapon kaya nagmadali kaming mahiga sa duyan sa likod ng bahay nila kung saan may puno ng mangga na perpektong silong para sa aming pagpapahinga.
“Hindi mo ba nami-miss ang bisikleta mo?” bigla kong tanong sa kanya dahil binenta niya kasi iyon noong mamatay si mama para may maipangdagdag sa panggastos sa lamay ni mama.
“Nami-miss.” Sagot niya bago siya tumingin sa langit.
“Hayaan mo kapag sapat na ang ipon ko ay babayaran kita para makabili ka na ng bike.” Sagot ko sa kanya dahil nahihiya na rin ako kay Ariel dahil hindi niya ako pinapabayaan. Totoo siyang kaibigan.
“Hindi na, erp! Tsaka nagamit naman natin ’yung pera sa tama.” Sabi pa niya at napangiti na lang ako.
Lumipas ang hapon at nang sumapit ang alas sais ay nagmadali na kami ni Ariel na magtungo sa pinapasukan namin na bar kung saan kami ay mga waiter.
“Sige, mga hijo, mag-ingat kayo.” Paalala sa amin ng nanay Vicky ni Ariel na itinuring na rin akong anak mula nang mawala si mama.
“Opo, tita!” sagot ko habang si Ariel naman ay humalik pa sa pisngi ng kaniyang ina.
Nang makasakay kami sa tricycle ay mabilis din naming narating ang pinakaliwasan o bayan at mabilis kaming pumasok sa aming pinapasukang bar. Binati kami ng aming mga katrabaho sa loob at mag-aalas siyete y media pa lang pero may karamihan na ang tao.
“Isang bucket ng beer!” Sigaw ng isang nag-aamok na customer kaya naman pinuntahan ko siya at dinala ang kaniyang order kasama ang libreng pulutan na kropek.
“Umupo ka.” Aniya at ngumiti lang ako dahil hindi iyon maari.
“Sir, bawal ho kaming maki-table kasama ang custome. Pasensya na po.” Sabi ko at yumuko.
“Gano’n ba? Eh pwede ko bang makuha ang number mo?” Pangungulit niya pa.
“Wala ho akong cellphone, Sir. Pasensya na po.” Baling ko sa kanya at ngumiti siya ng nakakaloko.
“Gusto mo ibili kita?” Muli niyang alok pero tumanggi ako dahil hindi ako ganoong klase ng tao. Mahirap lang ako pero hindi ko binebenta ang katawan ko.
“Sayang ka, boy. Gwapo ka pa naman.” Aniya at hinawakan pa niya ang tiyan ko kaya lumayo na ako sa kanya. Sakto namang dumating ang kaniyang kasama kaya nakahinga ako ng maluwag. Laging ganoon ang sistema rito ng mga lalaking nagtatago sa kanilang katauhan. At kung idedetalye ko ang anyo ng lalaking nangungulit sa akin kanina ay masasabi kong nasa edad trenta o lagpas na ang pobre.
“Doon sa table 7.” Signal sa akin ni Ariel at lumapit ako sa naturang table dala ang menu.
Hinintay ko siyang makapili ng iinumin kaya naman hindi ko namalayan na napatitig ako kanyang tindig at kasuotan.
Nakasuot siya ng isang simpleng blue na polo-shirt at maong na pantalon at naka-relos din siya na halatang mamahalin at kumpara sa balat kong kayumanggi ay mababakas sa kanya ang binatang hindi nakaranas ng hirap sa buhay dahil makinis siya at sobrang puti. Bigla tuloy akong nanliit.
“Bingi ka ba?” bulyaw niya kaya bumalik ako sa aking normal na pag-iisip. Nakakahiya. Kalalaki kong tao tiningnan ko siya ng ganoon.
“Ano pong o-order-in niyo, sir?” Ang magalang kong tanong.
“Dalawang bote ng beer at sisig.” Aniya at tumaas ang kaniyang kanang kilay na marahil ay dahil sa inis.
“Hindi mo ba narinig?” Malaman at may inis niyang tanong.
“Pasensya na, Sir.” Pagpipigil ko mabilis na iniayos ang kanyang order.
Mabilis ko lang naayos ang kaniyang order kaya naman dinala ko na iyon sa mesa niya kung saan siya nagkukutingting sa kaniyang cellphone.
Ang sarap sigurong magkagano’n. Magka-cellphone. Bulong ng utak ko.
Inilapag ko na sa mesa ang kaniyang in-order at hindi na ako nagsalita dahil mabulyawan na naman ako gaya ng ginawa niya kanina.
Mahirap na. Tatlong daan din kada gabi ang bayad sa’min ni Ariel dito.
Palalim ng palalim ang gabi at parami rin ng parami ang mga customer na dumarating. Nakailang set na rin ng banda sa mini stage at maging ako man ay pagod na rin.
“Table seven, Tino.” Sabi sa’kin ni Ariel at nakita ko ang pobreng lalaki na umiiling.
“Tunaw na ’yung yelo.” Aniya at ipinakita sa akin ang laman ng bucket na lagayan ng yelo pero hindi pa naman iyon tunaw.
“Sir, hindi naman ho tunaw.” Sabi ko at ngumiti ng pilit. Hindi ko alam ang trip ng isang ’to e. Sapakin ko kaya ng isa?
“Gusto ko ng bago.” Aniya at wala akong nagawa kundi ang kumamot sa aking ulo habang naglalakad pabalik sa kitchen ng bar.
Pagbalik ko sa kaniyang table ay inayos ko aking sarili at inilapag ang bucket ng yelo sa lamesa. Wala na siyang naging salita at mukang hindi na niya ako trip.
Mabilis ang oras at nag-de-demand na naman ang naturang lalaki. Umay. Pero mali pala ako dahil magbi-bill out na siya. Sakto naman hawak ko ang resibo niya kaya iniabot ko iyon sa kanya pero hindi niya kinuha, bagkus ay naglabas siya ng isang libo at ipinatong niya iyon sa lamesa at kinuha ko. Pupunta na sana ako sa counter nang maramdaman kong may malamig na dumadaloy sa likod ko at iyon nga ay nakita ko siyang nakangising demonyo pero kailangan kong pigilan ang sarili ko. Sabi nga ni boss customer is always right daw.
Putang ina.
Malamig man ang aking likod ay nagmadali akong kunin ang sukli niya pero late na ako dahil nakita ko siyang papalabas na kaya hinabol ko siya.
“Sir!” sigaw ko pero mas nagmadali siya at doon ko nakita na sumakay siya sa kaniyang sasakyan na pamiyar na pamilyar ang plaka sa aking mga mata.
“Ang gagong ’yon!” Singhal ko dahil siya iyong lalaking gago kaninang umaga. XYZ
Itutuloy…
IKALAWANG BAHAGI
I K A L A W A N G B A H A G I :
UNANG ARAW
TINO
Dumating ang araw na pinakahihintay namin ni Ariel. Ang pasukan o ang unang araw ng eskwela. Sabay kaming nakapasa sa entrance exam noong nakaraan at parehas kaming pinalad na makapasa bilang scholar.
Half scholar kami ni Ariel dahil sabay din kaming natanggap bilang student assistants at masaya kami dahil doon. Patungkol sa aming course ay kumuha ako ng kursong Education habang si Ariel naman ay kumuha ng kursong Psychology. Magkahiwalay ang aming mga kolehiyo pero hindi naman iyon hadlang dahil halos parehas lamang kami ng schedule maliban na lamang sa araw ng Biyernes dahil wala akong pasok no’n.
“Ready ka na?” Sabi ni Ariel habang inaayos ang aming baong pagkain para hindi na kami bumili mamaya sa school.
“Ready na!” Masigla kong sagot at napuna iyon ni nanay Vicky na siyang tumayong mga magulang ko na rin dahil mula ng mawala si mama ay kinupkop na nila ako at itinuring na parte ng kanilang pamilya.
“Oh siya. Mag-ingat kayong dalawa. Husayan niyo ang inyong pag-aaral. Minsan lang ang oportunidad na iyan.” Paalala niya pa at sabay kaming nagmano bago lumabas ng bahay.
“Paalam na po.” Sabi namin ni Ariel at nilakad namin mula rito ang sakayan patungo sa kabilang bayan. Kung sasakay kasi kami ay dagdag pamasahe pa at maaga pa rin naman kaya mainam na ehersisyo ito para sa aming dalawa.
Ilang lakad pa ay narating na namin ang sakayan patungo sa kabilang bayan. Tahimik lang kami sa buong byahe dahil medyo napuyat kami sa duty namin sa bar kagabi kaya sinulit namin iyon para makapagpahinga kahit papaano. Halos trenta minutos mahigit ang aming naging byahe ni Ariel at nang marating namin ang Unibersidad ay hindi pa rin ako makapaniwala na mag-aaral na ako sa eskwelahang pangarap ko lang dati. Basta gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya para hindi ako mamatay ng walang natapos sa buhay.
“Ready na’ko!” Sabi ko at ngumiti ako sa habang nakatingin sa mga kapwa ko estudyante na naglalakad papasok sa loob ng campus.
“Ako rin!” Sabi naman ni Ariel at tumango kami sa isa’t-isa bago nakisabay sa mga naglalakad.
“Sabay tayong mananghalian, ha?” Paalala niya pa bago ako tumango at magkasalungat naming tinumbok ang aming mga kolehiyo dahil may kanya-kanyang orientation ang bawat department sa unang araw gaya ng sabi sa’min sa registrar noong nag-enroll kami.
“College of Teacher Education.” Ang pagbaybay ko sa nakasulat na karatula ng departamentong kabibilanga ko.
Marami ng mga estudyante ang naglalakad at nakisabay ako sa kanila patungo sa maliit na gymnasium.
Halos mapuno ang naturang gymnasium ng mga estudyante kung kaya’t wala na akong maupuan. Nasa bandang likod ako nang biglang nagsalita ang isang professor sa unahan.
“Magandang umaga sa inyong lahat lalo na sa mga freshmen!” Ang bati nito sa’min. “Taon taon nadaragdagan ang populasyon ng ating departamento at masaya akong makita kayong lahat na mga future educators ng makabagong henerasyon. Sana ay pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral dahil mahal ang tuition fee at lalong mabilis ang oras para kayo ay magsayang.” Napangiti na lamang ako sa kaniyang sinabi habang ang iba ay napatawa at habang ang iba naman ay taas kilay na animo ay walang mga pakialam.
Sunod na nagsalita ang isang babae at sa aking palagay ay medyo batabata pang naturang guro at atentibo akong nakinig sa kanya.
“Good morning!” Simula nito. “I am the college dean, Miss Emelyn Hernandez. I expect everyone to perform their duties ang responsibilities including my son.” Aniya at sumang-ayon naman ang lahat.
Marami pang nagsalitang mga guro at ipinakilala ang faculty, iba’t-ibang organizations ng aming department at marami pang iba.
Alas nueba na halos mahigit nang matapos ang mini orientation at d-in-is-miss na ang lahat kung kaya naman siksikan palabas. Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay nasiko ako ng mga nagmamadaling estudyante at nangamba ako sa laman ng aking bag na pagkain. Baka kasi matapon, sayang.
Ilang sandali pa ang lumipas nang halos maubos na ang mga tao sa paligid. Ako na lamang at ang ilang estudyante ang natitira kaya naman dumiretso ako pinaka-gymnasium ng campus kung saan ko inilabas ang aking cellphone na de-key pad. Agad kong tin-ext si Ariel at sinabi ko kung nasaan ako. Inihanda ko na rin ang pagkain namin dahil nagugutom na ako.
Habang hinihintay ko si Ariel ay narinig kong pagtalbog ng bola. Nang lingunin ko ang direksyon ng naturang tunog ay nakita ko ’yung lalaki sa bar na umaasinta at nagre-ready sa pag-shoot ng bola. Hindi ko tuloy naiwasang pagmasdan siya at base sa aking obserbasyon ay nasa 5’10 siya o mahigit. Maganda ang tindigan niya at maganda rin ang kaniyang mga mata at sigurado ako na mayaman sila dahil bukod sa may kotse siya ay kababakasan mo rin ang kaniyang pigura na hindi ito naghirap sa buhay. Isama mo pa ang kanyang suot na damit na halatang branded at ganoon din ang kaniyang relos na alam kong mamahalin. Pero sa kabila ng kaniyang tindigang iyon ay sa nababakas sa kaniyang mga mata ang lungkot. Hindi ko alam kung paano ko nasabi iyon pero iyon ang nararamdaman ko. Alam ko sa sarili ko iyon dahil nakikita ko ang sarili ko sa kanya.
Sa tagal ng oras na nakatitig ako sa kanya habang nagba-basketball siya ay bigla kong nalimutan ang atraso niya sa akin nitong nakaraan. Inis ako sa kanya pero hindi ko naman ugaling magtanim ng galit. Masyado na akong maraming pinagdaanan para magpalamon pa sa mga negatibong bagay.
“Hoy!” Bigla kong narinig na sinabi niya bigla kaya naman muli niyang napukaw ang aking atensyon. Tumingin lang ako sa kanya at kumunot ang noo ko na nakatingin sa kanya.
“Paabot ng bola.” Aniya at doon ko lamang napagtanto ang nais niyang sabihin kaya naman sinunod ko siya. Kinuha ko ang bola na malapit sa akin at inihagis ko iyon sa kanya pero hindi ko siya narinig na magpasalamat.
“Ano kayang trip ng isang ’yon?” Tanong ko sa hangin at pinanood ko lang siya hanggang sa mapaupo siya. Marahil ay napagod ang brusko dahil kanina pa siya naglalarong mag-isa at ako ang nababagot sa ginagawa niya, sa totoo lang.
Mayamaya pa ay natanaw ko na mula sa kalayuan si Ariel at kumaway pa ito habang papalapit sa akin.
“Malas!” Aniya nang makaupo siya sa aking tabi.
“Ano bang nangyari?” Ang tanong ko pabalik.
“Kasi ngumanga ’tong kaliwang pares ng sapatos ko kanina.” Sabi niya at itinaas ang nasabing sapatos na okay naman na. “Buti na lang at may dala akong shoe glue sa bag ko. Naremedyuhan ko agad.” Aniya at nakangiti siyang hinihimas ang naturang sapatos.
“Kakasahod lang natin noong sabado, ’di ba? Bakit hindi ka bumili ng bagong sapatos?” Magkasunod kong tanong sa kanya.
“Nako. Pwede pa ’to. Tsaka na kapag sira na talaga. Sayang ang pera, erp.” Pagsasalaysay niya kaya naman na-guilty ako dahil naalala ko ang usapan nila ni nanay Vicky. At base sa pagkakarinig ko ay ibinayad sa kuryente at utang ang suweldo niya kaya hindi siya nakabili ng bagong sapatos.
“Ikaw ang bahala. Pero pwede ka namang manghiram sa akin ng pera kapag nasira na ’yang sapatos mo. Kahit ’wag mo na akong bayaran.” Sabi ko sa kanya at ginulo niya lang ang buhok ko.
“Alam ko ang iniisip mo kaya tigilan mo na ’yan. Okay pa ako rito sa sapatos ko at next week ako bibili ng bago.” Sabi niya kaya naman napangiti na lang ako dahil napakabait niyang tao sa lahat. Mula pa lang bata kami hindi na niya ako iniwan at kahit na wala rin siya minsan ay hindi niya ako nakakalimutan.
“Kain na tayo.” Sabi ko at ayon nga ang aming ginawa.
“Ginisang upo na may sardinas! Paborito ko talaga ’to.” Kumento niya at saka sinimulan ang pagkain.
“Kumain ka na rin.” Sabi niya at ganoon na nga ang ginawa ko. Kalalaki kong tao ay napakabagal kong kumain. Minsan kasi talaga ay wala akong panlasa. Nagsimula lamang ito noong mamatay si mama. Pero ganoon pa man ay unti-unti na itong bumabalik.
Mayamaya pa ay natapos nang kumain si Ariel pero wala siyang dalang tubig kaya naman inalok ko sa kanya ang aking dalang tumbler pero tumanggi siya dahil akin daw kako iyon.
“Kuha na lang ako sa canteen.” Sabi niya at mabilis niya akong iniwan. Nangangalahati pa lang ako sa aking kinakain nang biglang tumapon ang aking pagkain dahil tinamaan ito ng bola.
“I’ll pay for your food.” Aniya at naglapag siya ng pera sa aking harap pero tinanggihan ko iyon.
“Aanhin ko ’yan?” Maayos kong tanong sa kanya at saka ko inabot ang five hundre pesos na iniabot niya. Imbes na kunin niya iyon ay tumalikod siya kaya naman hinabol ko siya dahil hindi naman ako galit. Naiinis lang ako dahil hindi man lang siya nag-sorry dahil alam ko namang hindi niya iyon sinasadya.
“Take it. Hindi ko na ’yan tatanggapin pabalik.” Aniya at naiwan ako ro’n na nakatanaw sa kanyang bawat paglakad.
Itutuloy….
IKATLONG BAHAGI
Huang Jingyu as Carlon Hernandez
I K A T L O N G B A H A G I :
PANIRA NG ARAW
TINO
Lumipas ang dalawang araw ay naging maayos naman ang lahat. Medyo wala pang masyadong kakilala pero sa palagay ko ay papunta na rin naman iyon doon kapag naging maayos na ang schedule namin. Marami raw kasi kaming mga freshmen kaya kailangang hatiin ang ibang section para matuto ng maayos. Sabi pa nila ay baka wala na kaming matutunan kong sobrang dami namin sa isang classroom.
Araw ng Miyerkules at medyo maaga ang aking pasok dahil naka-schedule akong mag-ayos ng mga libro sa library. Wala sa bokabularyo ko ang salitang late kaya naman seven palang a nasa school na ako kahit alas nuwebe pa ang aking klase. Half day lang din naman kasi ako ngayong araw kaya gusto kong maghanap ng trabaho pagkatapos ng aking huling klase.
“Kumain ka na ba, hijo?” Sabi ni Ma’am Sarin na siyang library head ng school. Maaga rin kasi siya parati nitong mga nakaraang araw kaya sa palagay ko ay morning person din siya gaya ko, kung iyon man ang tawag doon sa inggles.
“Opo. Kumai na po ako sa bahay ng agahan.” Sabi ko at nginitian niya ako.
“Ganoon ba? S’ya sige at pagbutihan mo iyang ginagawa mo.” Aniya at saka bumalik sa kaniyang mesa.
Mabilis kong natapos ilagay ang mga sinalansan kong libro sa dapat nitong kalagyan kaya naman nagpaalam na ako agad para dumiretso sa palikuran ng Unibersidad na malapit sa library.
Mabilis ang aking lakad dahil ihing-ihi na ako kaya naman nang makapasok ako sa loob ay napapikit ako habang umiihi. Matapos iyon ay para akong tangang nagtungo sa tapat ng gripo at doon ay naghinaw ako at nagpangiti-ngiti na parang tanga hanggang sa napansin kong may nakatingin din sa salamin na gaya ko.
Siya ’yong lalaking kulang sa pansin.
“Ah, sorry.” Sabi ko at tsaka ako lumabas ng naturang palikuran.
Nakakahiya. Iyon ang eksaktong salita na angkop para i-summary o isalaysay ang aking naramdaman kanina.
Pasado alas otso trenta nang maisipan kong pumunta na sa aking susunod na klase pero masyado pang maaga kaya naman naglibot-libot ako ng kaunti sa karatid na departamento.
Tahimik ang paligid dahil kakaunti pa ang tao. Sabagay, kokonti rin kasi ang mga estudanyanteng gusto ng maagang schedule.
Mabilis kong naubos ang oras sa paggagala at masasabi kong swerte ako sa pagkakaroon ng oportunidad na makapag-aral sa ganitong klase ng eskwelahan. Kumpara kasi sa ibang mga taong nasa edad ko ay mas pipiliin na lamang nilang magtrabaho dahil sa hirap ng buhay.
Limang minuto na lamang ang natitira bago ako tuluyang pumasok sa aming classroom. May ilang napatingin sa akin at may ilang walang pakialam dahil busy sila sa pakikipag-usap pero alam ko sa sarili kong dapat ay pakikisamahan ko, gusto man nila ako o hindi.
Sa paghahanap ko ng mauupuan ay mas pinili ko na lamang maupo sa ikalawang hanay sa likod. Wala akong katabi pero ayos lamang iyon. Habang nasa ganoong pag-iisip ako nang pumasok ang aming Professor sa Filipino. At gaya ng nakasanayan noong high school ay hindi makakaiwas ang bawat-isa sa mga walang kamatayang ‘introduce yourself’. Ibayong kaba ang lumukob sa akin noong mga sandaling ’yon pero nawala rin naman agad iyon dahil ang ilang sa aking mga kaklase ay mga palabiro. At siyempre ay ng ako na ang nasa unahan ay kinabahan muli ako.
“Magandang umaga sa inyong lahat! Ako si Santino Rodriguez pero pede niyo akong tawaging Tino. 18 years old.” HIndi ko alam kung bakit iyon lamang ang aking nasabi. Marahil ay dahil sa kaba.
“Iyon na ba ’yon, Sir?” Tanong ng babae kong kaklase na titig na titig sa akin kaya naman nginitian ko siya pabalik.
“Mister Rodriguez, kung iyon na raw ba ’yon? Wala ka bang maidadagdag tungkol sa iyong hilig? Sa buhay?” Dagdag ng aming guro kaya nakagat ko ang aking labi.
“Ang totoo niyan, Sir, nakapasa lang po ako sa scholarship kaya ako nakapasok ngayon dito. Hindi gaya ng ilang sa inyo ay hindi ako mayaman dahil mag-isa na lang ako buhay dahil bata pa lang ako noong iwan kami ng tatay ko habang ilang buwan lang ang nakakaraan ay namatay naman ang nanay ko dahil sa sakit na leukemia.” Pagderetso ko at nakita kong may ilan sa kanila ang biglang nalungkot. Aaminin ko na nalungkot din ako pero hindi ko iyon dapat ipakita kaya naman ngumiti ako.
“Mag-isa man ako sa buhay ay hindi iyon hadlang para makatapos ako. Salamat!” Sabi ko at lahat sila ay pumalakpak dahil sa sinabi ko.
“Mahusay, Mister Rodriguez! Sana lahat ng estudyante ay gaya mo.” Sabi ng aming Professor na si Sir Tan at nagulat kaming lahat nang biglang pumasok ang lalaking manira ng mood.
“Sorry, I am late.” Walang tono nitong wika at tumingin sa aking mga mata. Tiningnan ko rin siya at nakita kong naglakad siya papalapit sa akin at habang ginagawa niya iyon ay napapatingin sa kanya ang ilan sa mga kababaihan sa aming klase lalo pa ng maupo siya sa aking tabi.
“Tumayo ka, Mister Hernandez!” Ang utos ni Sir na kanya namang ginawa.
“Unang araw ng klase sa asignaturang ’to late ka. Gusto kong malaman ang dahilan.” Ani Sir at lahat ay naghihintay ng kaniyang sagot.
“Tumulong po ako sa pag-aayos ng libro sa library.” Aniya at tinuro ako. “Kasama ko siyang mag-ayos ng mga libro sa library kaso nauna siya at hindi ko namalayan ang oras, Sir.” Ang pagsisinungaling niya.
“Ganoon ba?” Sabi ni Sir at ngumiti at tumingin sa akin na animo’y nagtatanong na ewan kaya naman tumango na lang ako bilang sagot.
“Opo, Sir.” At ngumiti ito sa akin.
“Kung ganoon ay ipakilala mo na nag iyong sarili.” Utos ni Sir sa kanya na siya naman niyang ginawa.
“Carlo Hernandez, 18. Napili ko ang kursong ito dahil gusto kong maging guro balang araw. Iyon lang.” Sabi niya at hindi nakaimik ang ilang mga babae lalo na nang maupo na ito.
“Pre, salamat!” bulong niya at nakita kong tumingin sa amin ang ilang babae ng may paghanga. Marahil ay kay Carlo iyon. Carlo pala.
Matapos ang aming klase ay minabuti kong I-text si Ariel na lalabas ako ng campus dahil maghahanap ako ng pwedeng pag-part time-an dahil may kaluwagan pa ang schedule ko.
Habang naglalakad ako ay naramdaman kong umakbay sa akin at bigla itong nagkumento patungkol sa aking lumang cellphone na pinag-iwanan na ng panahon.
“Uso pa pala ’yan?” Natatawang sabi ni Carlo at ngumiti naman ako.
“Pang text lang naman, orb.” Sabi ko at tumawa siyang muli.
“Kung ako sa’yo, itapon mo na ’yan.” Aniya at pinilit kong pigilan ang inis ko.
“Nako. Hindi ko naman kailangan ng bagong cellphone dahil okay na ako rito.” Pagdedepensa ko sa cellphone kong ibinigay sa akin ni mama noong high school pa lamang ako.
“Ikaw ang bahala. Pantatsing na lang kasi ’yan ngayon.” Pang-iinsulto niya at nagtiim ang aking bagang bago ako ngumiting muli.
“Sabagay. Pantatsing na lang ’to sa mga gaya mong mayaman, pero sa’kin kasi mas pinahahalagahan ko ’yung taong nagbigay nito sa akin.” Sabi ko bago ngumiti at tinanggal ko rin ang braso niya sa balikat ko dahil hindi ako natutuwa sa kanya.
Panira ng araw pero ko dapat sirain ang araw ko dahil lang sa kanya.
“Laban lang!” Sabi ko sa isip ko.
Pero ang akala kong tapos na pang-iinsulto niya sa akin ay mas dinagdagan niya pa ng agawin niya ang cellphone ko na iyon at pilit ko iyong inaagaw sa kanya.
“Orb, akin na.” Sabi ko pero hindi siya natitinag. Trip talaga ako ng isang ’to.
Ayaw niyang ibigay ang aking cellphone kahit anong pilit ko at nagulat na lamang ako nang malaglag niya ito at nagkahiwa-hiwalay ang mga parte niyon na kinainis ko.
“Orb, anong trip mo?” Tanong ko habang pinupulot ang mga nakalas na parte ng aking cellphone. At imbes na sagutin ay tumawa lang siya.
Nang makuha ko ang lahat ng tumalsik na parte ng aking cellphone at wala na siya at masaklap pa ay ayaw magbukas ng aking cellphone. Natuluyan na nga ata. Malas o.
“ Ma, sorry.“ Bulong ko sa hangin bago ako naglakad papalabas ng campus.
Itutuloy…

