I Love You, Stranger
vincentmanrique · 2 chapters · 1,167 words
I Love You, Stranger
Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Sa isang iglap ay namalayan na lang ni Rheanessa na kasama na niya sa iisang bubong si Ian Clark na kailan lang naman niya nakilala. Sa umpisa ay tila ba langit kapag kapiling nila ang isa’t isa. Puro kasiyahan at parang wala na ngang darating na mga problema. Pero ang pag-ibig ay tulad ng mga rosas, hindi lang puro mababangong talulot ang makikita. Madalas marami itong tinik na susugat pati sa dati nang nagdurugong mga puso.
Dapat lang talaga na bago magmahal, kilalanin muna ang taong mamahalin.
Gaano ba kakilala nina Rhea at Ian ang bawat isa?
1
APRIL 4, 2020
KINUSOT pa ni Rhea ang mga matang kamumulat lang nang dahil sa sunod-sunod na pagtunog ng cell phone. Saglit niyang binasa ang pangalang nakarehistro sa screen ng telepono bago niya ito sinagot, “Hello, Miri-an? Napatawag ka? Natutulog pa ako, eh.”
“Hoy! Bangon na, udto na. Naa koy iingon nimo,” sabi pa nito sa salitang Cebuano. Sa boses nito ay mahahalata ang excitement habang nakikipag-usap sa kaibigan.
“Unsa mana?” tanong ni Rhea na hindi pa rin bumabangon mula sa pagkakahiga. Sa tabi niya ay makikita ang isang lalaking walang suot ka t-shirt at natutulog rin. Ang ibabang bahagi ng katawan nito ay natatakpan ng puting kumot.
“Ningtawag si Sir, naana kuno ta sulod ugma,” pagbabalita pa ni Miri-an sa kaibigan. “Excited na akong bumalik sa trabaho.”
Nagliwanag ang mukha ni Rhea. Mabilis itong bumangon at naupo sa kama. “Maayo kung ingon ana. Gilaay na kaayo diri sa balay.”
“Tawagan pud ka ni Sir. Paabuta lang,” paalala pa ni Miri-an.
“Okay, sige, salamat. Kita na lang ugma sa trabaho.”
“Bye!” Iyon lang at nawala na sa kabilang linya ang kausap ni Rhea. Ipinatong niya ang cell phone sa kanyang una at saglit na sinulyapan ang lalaking mahimbing pa ring natutulog sa bahaging iyon ng kama. Si Carl, boyfriend niya.
No, hindi sila nagli-live in. Nagkataon lang na dito na inabutan ng ECQ ang lalaki at hindi na ito nakauwi sa kanila kaya kasama niya ito dito sa bahay sa loob ng halos isang linggo na.
Pero magkasama nga sila sa bahay. Eh, ’di live in nga!
Hindi nga. Magkasama lang sa bahay. Housemates.
Pero magkatabing matulog?
Anong magagawa kung iisa lang naman ang kuwarto sa apartment na iyon?
Tumayo siya at bumaba sa kama at lumabas ng silid. Nagtungo siya sa toilet ng apartment na nirerentahan niya nang mahigit isang taon na rin ngayon.
Maging sila ni Carl, mahigit isang taon na rin ang kanilang relasyon. Maayos naman ang pagsasama nila ng lalaki at masaya naman siya sa kanilang relasyon. May maayos na trabaho si Carl. Ang totoo, magkasama sila sa trabaho, magkaiba lang ng departamento. Wala naman talagang problema, pero nitong nakaraang mga araw ay napansin niya ang pagiging bugnutin mg lalaki. Madali itong magalit at tila ba umikli masyado ang pasensya. Noong minsan pa nga ay nagkasagutan sila sa isang bagay na wala namang kakuwenta-kuwenta. Pinansin lang niya ang butas sa suot nitong shorts at sinabing sana ay tinahi muna bago isinuot pero nagalit na agad ito nang dahil lang doon. At noong isang linggo lang, sa huling araw ng pasok nila sa trabaho bago pansamantalang hindi muna sila papasukin dahil sa umiiral na enhanced community quarantine sa kanilang lugar sanhi ng paglaganap ng pandemic na covid-19 ay nagkasagutan sila ni Carl dahil lang sa hindi niya kaagad naiabot ang sandong isusuot nito. Umabot pa sa puntong napagbuhatan siya ng kamay ng kinakasama nang dahil lang sa ganoon kaliit na bagay. At ngayon nga, masaya siya na pababalikin na sila sa trabaho. Isang linggo rin siyang nasa loob lang ng bahay kasama ang lalaking akala niya ay mahal niya… At mahal siya.
Aminin man niya o hindi, ramdam niyang hindi na siya masaya sa relasyon niya kay Carl. Nawala na lahat ng pagmamahal at respeto niya rito nang pagbuhatan siya nito ng kamay.
Paglabas niya ng banyo ay nagtungo naman siya sa kusina para maghanda ng makakain. Natanaw niya ang oras sa wall clock na nasa salas. Alas-diez na ng umaga. Dapat yata ay pang-tanghalian na ang lutuin niyang pagkain. Nagsaing siya sa rice cooker at saka inilabas sa ref ang karne ng manok at mga pansahog sa tinola.
“Matagal pa ba ’yan? Nagugutom na ako,” sabi ng boses na nagmula sa kanyang likuran.
Hindi man siya lumingon, alam niya kung sino ang nagsalita. Sino pa ba kundi si Carl? Eh, silang dalawa lang naman ang naririto sa bahay.
“Kagigising ko lang din,” walang gana niyang sagot nang hindi man lang nilingon ang kausap. Patuloy lang siya sa pagbabalat ng papayang isasahog niya sa tinola.
Hindi na siya nakarinig ng sagot mula kay Carl. Pero narinig niya ang pagsara ng pinto ng banyo. Hindi naman kalayuan sa kusina ang banyo para hindi niya marinig kung may pumasok dito at magsara ng pinto. Binilisan na niya ang kilos. Maging siya ay nakaramdam na rin ng gutom.
Eksaktong katatapos lang nilang mananghalian nang makatanggap siya ng text message mula sa kanyang supervisor para ipaalam sa kanya na kailangan na nilang bumalik sa trabaho simula bukas. Naubusan na yata ng load ang boss niya kaya nag-text na lang sa kanya. Sabi pa nito sa text, may service van na susundo sa kanila para ihatid sila sa kompanya. Mabuti naman kung ganoon. Balita niya ay walang bumibiyaheng pampublikong sasakyan kaya isang malaking sakripisyo kung maglalakad siya mula sa bahay hanggang sa kompanya kung saan siya nagtatrabaho.
Apat na taon na siyang nagtatrabaho sa Cutting Department ng isang kompanyang gumagawa ng mga wire harness. Masaya naman siya sa kanyang trabaho. Doon din nagtatrabaho si Carl at ang kaibigan niyang si Miri-an.
“May pasok na tayo bukas.” Nagulat pa siya nang biglang magsalita si Carl. Hindi niya namalayan ang pagpasok nito sa kuwarto. Nasulyapan niyang bagong paligo ito at nakatapis lang ng asul na tuwalya. Binuksan nito ang maliit na kabinet na nasa kanang bahagi ng silid at kumuha roon ng isang boxers. Hindi inaasahan ni Rhea nang biglang tanggalin nito ang nakatapis na tuwalya at saka isinuot ang hawak na boxers. Nakangisi pa itong tumingin sa kanya. Mabilis naman siyang nagbawi ng tingin.
“O, ba’t nahihiya ka? Parang ngayon mo lang nakita ’to, ah,” nakangisi pa rin nitong sabi habang inaayos ng kanang kamay ang posisyon ng pribadong bahagi nito sa loob ng boxers.
Mabuti na lang at balik trabaho na sila. Wala nang dahilan para hindi umuwi sa kanila ang lalaki.
Mula sa pagkakahiga sa kama ay bumangon siya at saka tumayo.
“O, saan ka pupunta?” mabilis ding tanong ni Carl.
“Sa impiyerno, sasama ka?” asik niya rito.
Natigilan si Carl sa kakaibang tono ng nobya. “Anong problema mo? Ang ayos ng tanong ko, sasagutin mo ako ng ganyan.”
Parang walang narinig na naglakad si Rhea papalabas ng pinto.
“Oy, teka! Kinakausap pa kita!” pigil dito ng lalaki.
Pero ang isang babaeng sawa na sa isang relasyon ay marunong magparamdam. Kung hindi man niya masabi nang harapan, siguradong ipararamdam niya ito sa kahit ano mang paraan.

