Luna
PSYFER · 8 chapters · 12,021 words
Warning
Paunawa po sa lahat nang mambabasa na ang inyong istoryang masasaksihan ay pawang resulta ng aking mapaglarong imahinasyon.
Anumang pagkakapareho sa pangalan ng tao, bagay, lugar o pangyayari ay nagkataon lamang.
Ang istorya pong ito ay naglalaman ng tema, salita at sitwasyong hindi angkop sa mga bata. Kung kayo po ay wala sa wastong gulang ay maari po kayong huwag magpatuloy upang ito ay maiwasan.
Atin din pong tandaan ang importansya ng paggamit ng proteksyon sa pakikipag-talik.
Huwag po nating gawing huwaran ang kathang-isip na inyong mababasa upang ipagsapalaran ang inyong pansariling kalusugan.
Maramingsalamat po.
Synopsis
Malugod ko kayong inaanyayahan sa mundo ng kababalaghan.
Ating saksihan ang istorya nina Eros Sacramento at Rogelio Alarcon.
Si Eros, isang mahikero na nagmula pa sa mga ninuno ng sinaunang salamangkero at babaylan.
At si Rogelio na kanyang makakatambal, isang taong lobo at alpha ng mga tagabantay.
May happy ending kaya ang istorya ng dalawang nilalang na lumaki sa magkaibang mundo ngunit pilit pinag-uugnay ng tadhana?
Sabay-sabay nating tunghayan…
CHAPTER 1
EROS SACRAMENTO
Hayssstttt…
Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan habang pinagmamasdan ang dilim sa bintana ng sasakyan. Lubog na ang araw at labing anim na oras na akong nakaupo sa loob ng van na inatasang maghatid sa akin papunta sa bayan ng Punta Verde dito sa Bicol. Halos mabugbog ang aking tumbong dahil sa tindi ng lubak sa karsada! Kanina pa rin ako nakararamdam ng bahagyang pagkahilo dahil sa bitukang manok na daanan, na tinalo pa ang roller coaster sa tindi ng paliko-liko nito.
Mali ba talaga ako
?
Hanggang ngayon ay labis pa rin akong hindi makapaniwala sa naging desisyon ng Pamahalaan ng Paranormal at hindi Pangkaraniwan bilang kaparusahan sa aking ginawa. Hindi ko napigilang mapailing matapos manumbalik sa aking ala-ala ang puno’t dulo ng lahat ng ito.
-oOo-
“
Iligtas niyo ang apo ko parang awa niyo na!“
Namumugto ang mga matang nakiusap ang maedad na babae
sa doktor ng ospital.
Hating gabi na nang isinugod ang isang walang malay na bata na di umano ay nasagasaan ng isang lasing na driver. Duguan ang ulo nito habang kitang-kita ang bali sa kaliwang kamay ng paslit.
Nagmamadali
naming nilapitan ng kapwa ko nurse ang pasyente upang suriin ang kalagayan nito. Agad naming ginupit ang damit ng bata upang mapakinggang mabuti ng doktor ang tibok ng puso
ng pasyente.
Isang makahulugang tingin ang ibinigay sa amin ni Dr. Lorenzo. Kritikal ang lagay ng bata. Sobrang hina ng pulso nito. Mababakas din ang senyales ng internal bleeding
sa kanang bahagi ng dibdib ng pasyente.
Nagmamadali namin itong kinabitan ng mga aparato upang subukang isalba ang buhay ng bata; kahit na nga alam namin na hindi na kayang bigyang lunas pa ang kalagayan nit
o.
Tahimik na napailing ang doktor. Mababakas ang lungkot sa mga mata nito. Nagpakawala ito ng isang malalim na buntong hininga bago lumapit sa lola ng bata upang sabihin rito ang hindi magandang balita.
Mabilis na nilapitan ng ibang nurse ang babae upang ito ay pakalmahin. Naiwan akong hawak-kawak ang kamay ng pasyente. Tantiya ko ay nasa sampung taong gulang pa lamang ito. Musmos na maituturing kaya naman tila masyado pang maaga upang mawala ito sa mundo.
“
Dok parang awa niyo na! Gawan niyo ng paraan! Iligtas niyo ang apo ko! Siya na lang ang natitirang pamilya ko! Para niyo nang awa!“
Dinig na dinig sa buong emergency ang palahaw ng matanda.
Labis na hinaplos ng awa ang aking puso. Awa para
sa naghihinagpis na babae at awa para apo nito. Agad na nabuo ang aking desisyon. Nagmamadali kong isinara ang kurtina upang palihim na isakatuparan ang aking balak.
Muli akong lumapit sa pasyente at inilagay aking kamay sa ulo at dibdib nito. Oras at pagkakataon ang aking kalaban! Kailangan maisagawa ko ang aking plano habang walang nakakakita!
Kapangyarihang aking taglay,
Padaluyin sa aking kamay,
Ka
runugan
ang aking gabay,
Sa pagsagip ng buhay!
Damang-dama ko mainit na enerhiyang dumaloy mula sa aking pusod patungo sa aking mga palad. Nabalot ng liwanag ang katawan ng bata kasabay ng mabilis paghilom ng mga sugat nito!
“Anong nangyayari dito?”
Bulalas ni Dr. Lorenzo matapos hawiin ang kurtina.
Hindi ko na nagawa pang makasagot at makapagpaliwanag dahil sa biglaang paghinto ng oras. Parang estatwang tumigil sa paggalaw ang mga tao sa loob ng ospital kasabay ng pagbukas ng isang portal sa gitna ng emergency! Iniluwa nito ang tatlong lalaking nakasuot ng unipormeng pang militar.
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!”
Kunot noong tanong ng nasa gitna habang nakatingin sa aking mga kamay.
-oOo-
Dito naputol ang aking paggunita dahil sa paghinto ng sasakyan sa harap ng isang malaking tarangkahan. Pinindot ng driver ng van ang intercom sa poste upang magpakilala. Matapos ang maikling pakikipag-usap ay marahang bumukas ang matatabang bakal sa aming harapan upang bigyang daan ang sasakyan.
Pumarada ang van sa harap ng isang malaking mansiyon. Sa harap ng pintuan nito ay nakatayo ang isang matangkad na lalaki. Tantiya ko ay nasa anim na talampakan ang taas nito. Moreno ito at malaki ang pangangatawan na parang bouncer sa isang club. Seryoso ang mukha nitong sumalubong sa amin.
“Eros? Eros Sacramento?”
Tanong nito pagkababa ko ng sasakyan.
Tango lamang ang isinagot ko sa lalaki. Hindi nakaligtas sa aking pansin ang mapanuring tingin na iginawad nito sa akin na tila ba kinikilatis nito ang aking buong pagkatao.
“Mabuti naman at nakarating ka na, kanina ka pa namin hinihintay.”
Dugtong nito bago walang pasabing kinuha ang aking maleta sa kamay ng driver.
Parang papel nitong binuhat ang aking gamit. Walang mababakas na paghihirap sa mukha nito kahit na nga higit pa sa tatlumpong kilo ang bigat ng aking mga gamit.
“Iparada mo na lang muna ang sasakyan sa garahe at pagkatapos ay pwede ka nang magpahinga sa guess room. Dito ka na magpalipas ng gabi bago ka bumalik sa Maynila bukas.”
Utos nito sa driver ng van.
“Masusunod, Beta.”
Sagot naman ng lalaki bago tumalima.
Beta huh?!
“Halika… sumama ka sa akin para maipakita ko sayo kung saan ka titigil.”
Wika nito sa akin bago nagsimulang magmartsa papasok sa loob ng mansiyon.
Tahimik lamang akong sumunod rito habang nakamasid sa aking paligid. Hindi ko napigilan ang sariling mapasinghap matapos makapasok sa loob ng mansiyon. Simbolo ng karangyaan at kapangyarihan ang sumalubong sa akin. Mula sa magandang disensyo ng bahay at mamahaling mga gamit hanggang sa mga taong naninilbihan dito. Bukod kasi sa mga kasambahay ay mayroon ding mga security personnel sa loob.
Patago kong inipon ang enerhiya sa aking mga mata upang aninagin ang awra ng bawat tao sa aking paligid. Hindi na ako nagulat matapos mapagtanto na halos lahat ng naninilbihan sa mansiyon ay mga taong lobo.
“Wag kang mag-alala. Ligtas ka sa bahay ni Alpha.”
Pukaw sa akin ng lalaki matapos huminto sa harap ng hagdan.
“Huh?!”
Nalilitong tanong ko.
“Mukhang hindi ka pa masyadong bihasa sa pagkokontrol ng enerhiya. Para kang balde nang tubig na may malaking tagas. Ramdam na ramdam ng lahat ng taong lobo rito ang kapangyarihan mo.”
Komento nito.
Agad na umakyat ang aking dugo sa aking mga pisngi dahil sa tinuran ng lalaki. Walang pang isang araw ako nitong nakakasasama subalit nalaman na nito isa sa aking kahinaan.
“Pasensiya na. Hindi ko intensiyon na kwestiyunin ang kaligtasan ko sa teretoryo ng alpha ninyo. Na-curious lang ako dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakasalamuha ako ng mga taong lobo.”
Paliwanag ko.
Muli akong ginawaran ng mapanuring tingin ng lalaki.
“Malaya kang gamitin ang abilidad mo habang nasa teretoryo ka ni Alpha. Maaaring para sa’yo ay isang kaparusahan ang pagpapapunta sa’yo rito sabalit para sa mga tagabantay ng Punta Verde, isang malaking tulong sa amin ang presensiya ng isang Sacramento. Lalo na ngayon.”
Wika nito bago nagsimulang maglakad papaakyat sa hagdan.
Muli akong nawalan ng imik. Hindi ko napigilang makonsensiya sa tinuran ng lalaki dahil natumbok nito ang aking tunay na nararamdaman. Ito kasi ang aking naging kaparusahan matapos akong mahuli sa akto ng paggamit ng mahika.
Ang Pamahalaan ng Paranormal at hindi Pangkaraniwan ay isa sa sangay ng Pandaigdigang Pamahalaan na nakabase dito sa Pilipinas. Ito ang gobyerno na nangangasiwa sa mga nilalang na kagaya ko na may kakaibang abilidad. Layunin nito na panatilihin ang balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng liwanag at dilim upang mapangalagaan ang kapayapaan sa buong mundo.
Isa sa kanilang pangunahing layunin ay ang pagpapanatili ng sikreto ng mundo nang kababalaghan mula sa mga ordinaryong mamamayan. Higit na ipinagbabawal nito ang pagpapakita o paggamit ng abilidad ng walang pahintulot.
Ito ang dahilan kung bakit ako naparusahan. Labis akong nagpadala sa aking emosyon sa pagnanais na sagipin ang buhay ng bata. Naging pabaya ako! Isang malaking paglilinis ang ginawa ng militia paranormal upang burahin ang ala-ala ng lahat ng nakasaksi sa aking abilidad.
Wala sa loob akong napabuntong hininga. Kung tutuusin ay maswerte pa rin ako dahil ganito lamang ang aking naging kaparusahan; salamat sa aking apelyido.
Ang angkan ng mga Sacramento ay kilala sa larangan ng paggamit ng mahika. Ang aking mga ninuno ay binubuo sinaunang salamangkero, ermetanyo at babaylan na maging ang P
andaigdigang Pamahalaan ay kinikilala ang aming angkan.
Kaya naman imbis na tanggalan ako ng abilidad ay minabuti ng mga opisyal na idestino ako rito sa Bicol upang tulungan ang mga tagabantay ng Punta Verde. Itinalaga nila ako bilang kapalit sa yumaong manggagamot ng mga taong lobo at mananatili ako rito hanggang sa ipatawag nila akong muli pabalik ng Maynila.
“Ito ang kwarto mo.”
Pukaw ng lalaki sa aking atensiyon matapos huminto sa harap ng isang pinto.
-oOo-
MAKALIPAS ANG ISANG LINGGO
Inhale…
Exhale…
Kasalukuyan akong nakaupo sa gitna ng aking silid habang nakapikit ang aking mga mata.
Taimtim kong pinakikiramdaman ang pagdaloy ng enerhiya sa aking buong katawan, mula sa aking mga ugat at kalamnan hanggang sa kaliit-liitang hibla ng aking buhok. Isa ito sa paraang itinuro sa akin ng aking ina upang lalong pagbutihin ang aking kontrol.
Para sa isang katulad ko na umaasa sa paggamit ng mahika, napakahalaga sa akin ng kontrol. Ang bisa ng aking orasyon ay nakadepende sa bawat salita at sa enerhiyang taglay nito. Kailangan tama ang kombinasyon at eksakto ang proporsiyon upang maiwasang makapinsala ng tao, bagay o lugar ng hindi inaasahan.
Inhale…
Exhale…
Hindi maiwasang lumipad ng aking isip sa kawalan ng kaganapan dito sa Punta Verde. Bukod sa hindi ko pa nakikilala ang alpha ng mga taong lobo ay wala ring masyadong mapaglilibangan sa liblib na lugar. Masyadong itong tahimik at payapa.
Iginugol ko ang aking oras at atensiyon sa pagkilala sa miyembro ng tagabantay at sa pagmemorya ng lugar. Tanging si Diego lamang, ang beta ng mga taong lobo, ang aking nagsilbing kaibigan at kasama sa lahat. Mukha lamang itong masungit at seryoso sa una, subalit mabait ito at maaasahan.
Tulong! Tulungan niyo kami! Alpha!
Mabilis na napadilat ang aking mga mata! Agad akong napalingon sa aking paligid upang hanapin ang pinagmulan ng tinig subalit tanging ako lamang ang tao sa aking silid. Wala sa loob akong napailing at natawa sa sarili. Marahil ay nasosobrahan na ako sa stress kaya kung ano-ano na ang aking naririnig. Muli kong ipinikit ang aking mga mata upang makapagpokus sa aking meditasyon.
Alpha! Nasan ka?
Sa pagkakataong ito ay bigla akong napatayo. Sigurado akong hindi guni-guni ang aking narinig! Boses ito ng isang bata na humihingi ng tulong. Hinahanap nito ang alpha ng mga tagabantay at mababakas ang matinding takot sa boses nito.
Minabuti kong libutin ang loob ng aking kwarto upang tiyakin na ako lamang tao sa loob ng silid. Binuksan ko ang lahat ng aparador at sinilip ang ilalim ng kama subalit wala akong nakita ni anino ng isang bata. Kunot noo akong napatayo sa gitna ng silid. Muli kong sinubukang pakinggan ang boses nito subalit nanatili itong tahimik.
Anong nangyayari dito?!
Naging isang malaking palaisipan sa akin ang pinagmumulan ng tinig. Sinubukan kong alalahanin ang mga pangyayari nang nagdaang ilang minuto bago ko narinig ang boses ng bata. Kinalaunan ay parang bumbilyang nagliwang ang aking isip.
Hindi kaya…?!
Muli kong ipinikit ang aking mga mata upang magpokus sa aking enerhiya.. Ilang sandali lamang ay muli kong narinig ang boses ng bata na humihingi ng tulong.
Alpha!
Tama nga ang aking hinala. Ang bata ay isang ‘tagabulong’ (telepath). Nagpapadala ito ng mensahe gamit ang kanyang abilidad ng hindi nito namamalyan. Hinawakan ko ang mahikang taglay ng mensahe upang mapanatili ang aming koneksiyon.
“Sino ka at nasaan ka?”
Mahinahong tanong ko rito.
Nabalot ng panandaliang katahimikan ang silid. Bahagya akong kinabahan ng hindi kaagad sumagot ang bata.
Sino ka? Bakit hindi kita makita? Hindi ikaw si Alpha!
Balik tanong nito sa akin. Bakas ang gulat at pagkalito sa boses nito. Halatang hindi nito nauunawaan ang nangyayari.
“Ako si Eros, kaibigan ako ni Diego, ang Beta ng mga taong lobo! Gusto kitang tulungan! Nasaan ka?”
Paliwanag ko.
S-si kuya Diego?
“Oo. Siya nga!”
Agad na sagot ko.
Muling nanahimik ang bata na tila ba pinag-iisipan nito ang susunod na sasabihin. Hindi ko maiwasang mabahala dahil kung talagang nasa panganib ang buhay nito, importante na hindi kami mag-aksaya ng oras!
“Anong pangalan mo?”
Tanong ko rito makalipas ang ilang sandali.
Bullet. Ako si Bullet at hindi ko alam kung nasaan kami.
“Kami?! May mga kasama ka? Ilan kayo?”
Sunod-sunod na tanong ko.
T-tatlo kami.
“Ilarawan mo sa akin ang lugar para mapuntahan ko kayo!”
Utos ko.
Sa gubat sa likod ng mansiyon ni Alpa pero may iba.
“Anong iba?”
Usisa ko.
Itsurang gubat ni Alpha pero iba ang amoy ng paligid. Parang kamukha lang. Parang ibang lugar.
Agad akong nagsuspetsa sa nais ipaliwanag ng bata. Narinig ko na ang tungkol sa artipisyal na mundo. Nagtataglay ito ng mataas na antas nang mahika dahil hindi basta-basta ang paglikha ng isang demensiyon. Lalo akong nabahala para sa kaligtasan ng mga ito.
“Anong ginagawa niyo diyan?”
Tanong ko habang pilit na itinatago ang panic sa aking boses.
Nagtatago kami sa halimaw. Kailangan namin si Alpha! Nasan si Alpha?!
Huminga ako ng malalim habang mabilis na pinag-iisipan ang aking susunod na mga hakbang.
“Diyan lang kayo. Wag kayong aalis sa pinagtataguan niyo hanggat hindi kayo nakikita ng halimaw. Maliwanag?”
Utos ko sa bata.
Agad akong lumabas ng aking silid at kinausap ang isa pinakamalapit na taong lobo upang ipaalam rito ang nangyayari. Hindi ko na hinintay na makasagot pa ito. Nagmamadali akong lumabas ng mansiyon at nagtungo sa direksiyon ng kagubatan!
Tanging ang nasa isip ko ng mga oras na iyon ay ang kaligtasan ng mga bata. Sa bawat segundong lumilipas ay nanganganib ang buhay ng mga ito!
CHAPTER 2
EROS SACRAMENTO
Napadpad ako sa bukana ng kagubatan. Tanging ang liwanag ng bilog na buwan lamang ang nagbibigay tanglaw sa aking daan. Damang-dama ko ang kakaibang ihip ng hangin na dumadampi sa aking balat. Taglay nito ang kakaibang lamig na nagdudulot ng matinding kilabot sa aking buong pagkatao.
DUB…
BA-DUB…
DUB…
Hindi maikakaila ang malakas na mahika na bumabalot sa lugar. Halos gustong kumawala ng aking puso sa aking dibdib. Dapat ay nagsama ako ng kakampi. Hindi ko dapat hinayaang mapangibabawan ng emosyon at mag-isang sumugod rito.
Bahagya kong sinampal ang aking pisngi! Hindi ako dapat mag-aksaya ng oras. Hindi ko dapat pagsisihan pa ang aking desisyon dahil mas mahalaga ang kaligtasan ng mga bata.
Huminga ako ng malalim bago itinaas ang aking kanang kamay sa aking harapan. Inipon ko ang enerhiya sa aking palad bago nag orasyon.
Buksan ang pintuan,
Sa mundong nakatago,
Upang matulungan,
Mga batang bilanggo!
Parang salamin na nagkaroon ng lamat ang aking harapan. Nagsimula ito sa maliit na guhit ng liwanag na unti-unting kumalat hanggang sa ito ay tuluyang gumuho. Isang daan ang aking nilikha patungo sa artipisyal na mundo.
Muli akong huminga ng malalim upang patibayin ang aking loob. Tahimik kong inihanda ang sarili sa anumang pagsubok na aking posibleng kaharapin sa kabilang dimensiyon.
“Para sa mga bata!”
Bulong ko sa sarili bago humakbang pasulong sa mundo ng kalaban.
-oOo-
Parang gusto kong maduwal sa kapal ng itim na mahikang pumupuno sa lugar. Tanging lakas ng loob lamang ang nagpapatibay sa aking sikmura.
“Nasaan kayo?”
Tanong ko sa kawalan.
Hindi naman ako nabigo dahil muli kong narinig ang maliit na boses sa aking isipan.
Sa gitna ng kagubatan, sa likod ng mga bato.
Ipinokus ko ang aking pandama. Pilit kong pinakiramdaman at hinanap ang manipis na hibla ng enerhiya na nagmumula sa batang lobo sa likod nang itim na mahika. Hindi nagtagal ay natagpuan ko ito at mahigpit na kinapitan. Plano kong gamitin ito bilang bruhula upang matukoy ang eksaktong lokasyon ng mga bata.
Matapos ang mahabang paglalakad ay nakarating ako sa gitna ng kagabutan. Tinangka kong puntahan ang direksiyon ng batuhan subalit bigla akong napahinto sa aking paglalakad. Agad kong ikinubli ang aking sarili sa likod ng isang puno dahil sa aking nakita. Sa gitna ng kagubatan ay matatagpuan ang isang sigbin!
Ayon sa impormasyong paranormal, ang sigbin ay isang nilalang ng dilim na humihigop ng dugo ng tao gamit ang kanilang anino. Gumagala ang mga ito tuwing mahal na araw at naghahanap ng mga batang mabibiktima. Kaya naman labis akong nagtataka kung ano ang ginagawa nito ngayon sa teritoryo ng mga lobo gayong hindi pa naman semana santa.
Kahindik-hindik ang hitsura nito. Naglalakad ito nang paatras habang ang ulo ay nakababa sa pagitan ng kanyang mga binti. Nahahawig ito sa isang kambing na walang sungay ngunit mayroong napakalaking tenga na kayang pumalakpak na tila mga kamay. Mayroon din itong mahabang buntot na maaring gamitin bilang latigo.
“Andito na ako!”
Pagbibigay alam ko sa bata.
Marahan akong sumilip sa likod ng puno upang pasadahan ng tingin ang paligid. Hindi naman nagtagal ay nakita ko ang aking hinahanap. Ang tatlong bata ay nakatago sa likod ng malalaking bato. Ang pinakamatanda sa mga ito ay nakatingin sa aking direksiyon.
Nasaan si Alpha?
“Papunta na!”
Pagsisinungaling ko.
Inilagay ko ang aking hintuturo sa harap ng aking bibig upang senyasan ang mga ito na huwag lumikha ng ano mang ingay at manatiling nakatago. Ilang metro lamang ang layo ng sigbin sa kanilang pinagtataguan at isang pagkakamali lamang ay maaring maging katumbas ng buhay ng mga ito.
Isang plano ang nabuo sa aking isip. Kailangan kong lumikha ng oportunidad upang makaalis ang mga bata sa kanilang pinagtataguan. Mangyayari lamang iyon kapag napunta sa akin ang atensiyon ng halimaw!
Marahan akong lumabas sa likod ng puno at nagsimulang maglakad papunta sa direksiyon sigbin. Inumpisahan kong ipunin ang enerhiya sa aking mga palad.
Ugat ng kagubatan,
Hiling ko ay pakinggan,
Kampon ng kadiliman,
Igapos at pigilan!
Mabilis kong inihampas ang aking mga kamay sa lupa pagkatapos mag-orasyon. Mula sa aking palad ay nagsimulang gumapang ang kulay berdeng enerhiya papunta sa direksiyon ng sigbin. Para itong tubig na mabilis na umagos at nang malapit na ito sa halimaw ay biglang lumabas ang makakapal na ugat mula sa ilalim ng lupa.
Agad na pumulupot ang mga ito sa katawan, braso at paa ng sigbin. Isang malakas na alulong ang pinakawalan ng halimaw kasabay ng marahas na pagpupumiglas. Huli na para makatakas pa ito. Para itong isang mabangis na hayop na nahulog sa aking bitag!
“Takbo!”
Hiyaw ko sa direksiyon ng mga bata habang pilit na pinanatili ang mahika sa pagkakagapos sa sigbin.
Mabilis na tumalima ang mga ito. Kapit-kapit ng pinakamatanda sa kanila ang kamay ng isang batang babae at lalaki. Tantiya ko ay nasa walo hanggang labing-dalawang gulang lamang ang edad ng mga ito.
Makalipas ang ilang sandali ay binitawan ko ang mahika upang salubungin ang mga ito. Nais ko mang buhatin ang dalawang maliit na bata ay hindi ko ito ginawa. Mas malaki ang tyansa naming makaligtas kung malaya kong magagamit ang aking mga kamay habang nag-oorasyon.
“May nasaktan ba sa inyo?”
Tanong ko.
Sabay-sabay na umiling ang mga bata. Wala na kaming inaksayang oras at nagmamadaling kaming tumakbo habang abala ang halimaw sa marahas na pagputol ng mga ugat na nakapalupot sa katawan nito.
Hindi pa kami masyadong nakalalayo ng magsimula itong humabol sa amin.
“Huwag kayong titigil o lilingon! Tumakbo lang kayo! Diretsuhin niyo ang daan na ito hanggang sa makalabas kayo ng kagubatan!”
Wika ko sa mga bata habang tumatakbo.
“Hindi ka sasama sa amin?”
Tanong ng nakakatanda sa tatlo.
“Kailangan kong labanan ang sigbin hanggang sa dumating rito si Alpha at ang iba pang mga tagabantay!”
Paliwanag ko.
“Pero…!”
Tutol pa sana ito subalit agad ko itong sinaway.
“Wala ng pero-pero at makinig kayo sa akin!”
Kahit labag sa kanilang kalooban ay tumango sa akin ang mga bata.
Ilang sandali pa ay huminto ako sa pagtakbo upang harapin ang sigbin. Bagama’t kadalasan ay suporta lamang ang aking papel sa tuwing may mga misyon, hindi nangangahulugan na wala akong kakayahang protektahan ang aking sarili! Isang malaking insulto para sa aking mga ninuno kung ako ay matatalo ng hindi lumalaban.
Tubig at hangin,
Aking pagsasamahin,
Sa bawat salita at kataga na aking binibitiwan ay ang unti-unti ring pamumuo ng kulay asul na enerhiya sa aking mga kamay.
Hagupit ng lamig,
Talim ng tubig!
Naramdaman ko ang mabilis na pagbaba ng temperatura sa aking paligid na sinabayan pa ng malakas na pag-ihip ng hangin. Ilang sandali pa ay nagsimulang mamuo ang lumulutang na matatalim na yelo sa ere.
Ikinumpas ko ang aking kanang kamay sa direksiyon ng sigbin na naging dahilan upang lumipad ang ilan sa mga yelo papunta rito. Madali naman itong nailagan ng halimaw kaya muli kong inulit ang pagkumpas ng aking mga kamay! Pinaulanan ko ito ng sunod-sunod na patalim subalit hindi ko ito matamaan.
Minabuti kong lawakan ang distansiya sa aming pagitan habang patuloy pa rin itong pinupuntirya. Lalo namang binilisan ng halimaw ang kanyang pagsalakay habang matagumpay na iniiwasan ang aking mahika!
Nang ilang metro na lamang ang layo nito ay bigla itong lumundag patungo sa aking direksiyon. Mabilis akong gumulong sa damuhan upang iwasan ang pagbagsak nito. Dahil dito ay nawala ako sa konsentrasyon sa aking mahika na naging dahilan upang matunaw at bumalik sa pagiging tubig ang mga yelo!
Agad akong tumayo upang ihanda ang sarili. Kitang-kita ko ang panlilisik ng mga mata nito. Marahan itong naglakad papalapit sa akin na animo’y isang tigre na lumalapit sa kanyang biktima. Inumpisahan kong muling mag-ipon ng enerhiya sa aking palad, subalit bago pa man ako makapag orasyon ay naramdaman ko ang pagpulupot ng buntot nito sa aking kaliwang paa. Hinila ako nito pahiga sa damuhan.
Sa isang iglap ay nagawa nitong pumaibabaw sa akin. Tinangka kong manlaban subalit parang mga halamang umusbong ang anino nito mula sa lupa at iginapos ang aking buong katawan. Ramdam ko ang talas ng pagbaon nito sa aking damit at balat.
“Ahhhhhh!!!”
Hiyaw ko kasabay ng pag-agos ng aking dugo!
Sinabayan ng sigbin ng isang malakas na alulong ang aking pagsigaw na tila ba nagagalak ito sa nangyayari! Hindi pa ito nakuntento, sinimulan rin nito ang proseso ng pagsipsip sa aking dugo gamit ang anino.
Magkahalong sakit at panghihina ang aking naramdaman. Uhaw na uhaw ang halimaw! Para sobrang tagal nitong hindi nakatikim ng sariwang dugo.
Ito na ba? Hanggang dito na lang ba ako?
Marahas akong napailing. Hindi kayang tanggapin ng aking pride na ito na ang aking katapusan! Kahit nanghihina ay pilit kong pinakalma ang aking sarili.
Pinag-aralan kong mabuti ang aking sitwasyon. Limitado ang aking galaw dahil sa anino. Nahihirapan akong hiramin ang kapangyarihan ng mga elemento dahil sa aking sitwasyon. So, paano ko lalabanan ang hahalimaw?
Nag-umpisa akong makaramdam ng pagkahilo. Dama ko ang unti-unting pagtakas ng buhay sa aking katawan. Napako ang aking atensiyon sa bilog na buwan habang patuloy na sinasaid ng anino. Lumalabo na aking paningin at unti-unti na ring bumabagsak talukap ng aking mga mata.
Dilim…
Ito ang katagang paulit-ulit na umalingawngaw sa aking diwa. Hindi ba’t elemento rin na maituturing ang kadiliman? Kabaliktaran ito ng elemento ng liwanag. Parang apoy at tubig. Langit at lupa. Wala ang isa kung wala ang katumbas nito. So, bakit hindi ko subukang gamitin ang elemento ng dilim?
Isang ideya ang nabuo sa aking isip. Ideya na kahit minsan ay hindi ko pa nasubukan subalit ngayon ay kailangan. Inumpisahan kong ipunin ang enerhiya sa aking mga kamay.
Anino ng kadiliman,
Utos ko ay pakinggan,
Hirap na nararanasan,
Ibalik sa kalaban!
Sa umpisa ay tila walang nangyari. Patuloy pa rin sa pag-inom ng aking dugo ang sigbin. Kinailangan kong mag pokus mabuti upang unti-unti sakupin ng aking kapangyarihan ang mahika ng halimaw. Hindi nagtagal ay nabalot ng kulay lilang enerhiya ang anino. Dito ko nagsimulang baliktarin ang aming sitwasyon.
Unti-unting natanggal ang pagkakagapos sa akin ng anino na naging dahilan upang mabigla ang halimaw. Mababakas ang pagkalito sa pangit na mukha nito. Tinangka nitong bawiin ang kontrol sa kanyang mahika subalit huli na ang lahat. Nanalo na ako sa hilahan ng lubid!
Biglang nataranta ang sigbin ng magsimula itong kapitan ng sariling anino. Isang malakas na angungol ang pinakawalan nito matapos bumaon sa balat ang matalas na anino. Lumundag ito papalayo sa akin upang subukang kumawala subalit wala itong epekto. Tuluyan ng nabaliktad ang aming sitwasyon. Ako na ngayon ang may kontrol at wala akong planong pakawalan pa ito!
Kahit nanghihina ay pinilit kong bumangon. Paatras akong gumapang papalayo sa sigbin. Nagawa kong makalayo ng mga ilang metro habang hindi inaalis ang tingin sa halimaw. Dahil konektado pa rin ang aming mahika, naramdaman ko ang pagsalin ng maruming dugo nito sa akin. Parang gusto kong himatayin sa itim na enerhiyang taglay nito!
Agad kong pinutol ang aming koneksiyon! Galit na bumaling sa akin ang halimaw matapos nitong makakawala sa anino. Mabilis kong itinaas ang aking kanang kamay at itinuro ang direksiyon nito bago ito makagalaw.
Init, liyab, lagablab,
Apoy na nag-aalab,
Kalabang sigbin,
Iyong
sunugin!
Naipon ang kulay pulang enerhiya sa dulo ng aking hintuturo. Agad kong pinakawalan ang orasyon matapos magsimulang umabante ang halimaw. Parang baril na pumutok ang mahika. Isang maliit na bolang apoy ang bumulusok patungo sa direksiyon ng sigbin. Agad itong nagliyab matapos tamaan!
Nabalot ng amoy nang nasusunog na buhok at laman ang paligid. Umalingawngaw ang iyak ng sibin. Bakas ang matinding sakit tinig nito. Tinangka nitong magpagulong-gulong sa lupa upang puksain ang apoy, subalit walang nangyari. Mahika ang may sanhi nito at tanging mahinga lamang ang makapupuksa rito!
Kailangan kong tapusin ang nilalang ng dilim. Kailangan kong siguraduhin na hindi na ito makakatakas pa upang hindi na ito makapangbiktima ng kahit na sino.
Inumpisahan kong tawagin ang enerhiya sa akin katawan. Plano kong ibuhos ang lahat ng aking natitirang kapangyarihan sa isang malakas na atake. Isang pinal na orasyon na siguradong kikitil sa halimaw!
Bahagya kong itinaas ang aking mga kamay sa aking tagiliran kasabay ng pagtingala sa kalangitan. Ramdam ko ang unti-unting pamumuo ng nakakakuryenteng mahika sa aking paligid.
Enerhiya sa kalawakan,
Hukom ng kalangitan,
Nilalang ng kadiliman,
Husgahan at parusahan!
Kasabay ng pagbitaw ko ng huling salita ay ang siya ring pag-ihip ng malakas na hangin. Nabalot ng lamig ang aming paligid. Ang payapang ulap na kanina ay walang imik; ngayon ay nagsimulang maging maligalig. Nag-umpisang tabunan nito ang bilog na buwan na siyang nagsilbing saksi sa lahat ng naganap ng gabing iyon. Nag-anyong bahay ng susó ang hugis ng ulap. Parang nagkokonsiyerto ang langit sa pagdagundong ng malalakas na kulog at kidlat.
Panandaliang napukaw ang atensiyon ng halimaw. Panandalian nitong nakalimutan ang parusa ng apoy na tumutupok sa kanyang katawan. Sinulyapan nito ang kalangitan bago nanlilisik ang mga matang tumingin sa akin. Naramdaman nito ang nagbabadyang panganib!
Nagsimula itong humakbang patungo sa aking direksiyon. Mukhang naunawaan na nito ang kanyang katayuan. Desperado na rin ito katulad ko. Handa na nitong ibuwis ang kanyang sariling buhay sa isang atake at plano ako nitong idamay!
Subalit, huli na ang lahat. Siguro kung maagap nitong napansin ang panganib ay maaring nagtagumpay pa ito. Ngunit naihanda ko na ang entablado para sa huling ganap! Oras na para tapusin ang kasamaan nito!
Bago pa man ito tuluyang makalapit ay bumagsak na ang enerhiyang naipon mula sa langit. Sunod-sunod itong hinagupit ng kidlat! Bolta-boltahe ng kuryente ang lumamon sa katawan nito! Pinanatili ko ang orasyon hanggang sa kahuli-hulihang patak ng mahika mayroon ako.
Parang malaking piraso ng uling na bumagsak ang katawang lupa nito! Halos hindi na makilala ang kahindik-hindik na itsura ng halimaw! Matapos kong matiyak na wala na itong buhay ay tsaka ko lamang binitawan ang orasyon.
Nanghihina akong bumagsak sa lupa. Para akong kandilang naupos. Ramdam ko ang unti-unting pagtakas ng aking ulirat.
Ngunit bago pa man ako tuluyang yakapin ng dilim ay isang malaking bulto ng katawan ang pumuno sa aking paningin. Hindi ko mawari ang hitsura ng nilalang dahil sa labis na pagkahilo. Tanging ang boses nito ang tumatak sa aking sa isip.
“L-luna?!”
CHAPTER 3
EROS SACRAMENTO
“Takbo!”
Malakas na hiyaw ko matapos mapabalikwas ng bangon sa isang di pamilyar na silid.
Agad akong sinipa ng matinding sakit. Damang-dama ko ang makaputol hiningang hapdi ng aking mga sugat sa likod ng bendang nakabalot sa aking katawan.
“Urghhhhh!”
Impit na daing ko matapos sumubok na umupo sa gilid ng kama.
Bahagya kong itinaas ang aking kamay upang protektahan ang aking mga mata sa maliwanag na sikat ng araw na pumapasok sa malaking bintana ng silid.
Asan ako?
Makaagaw pansin ang malaking espasyo ng silid-tulugan. Lalaking-lalaki ang disenyo, tema ng pintura at istilo ng mga kagamitan sa loob ng kwarto. Hindi ito pangkaraniwan. Naglalarawan ito ng awtoridad at kontrol. Lahat ng gamit ay nasa lugar at may kanya-kanyang posisyon. Malinis din ito at amoy maskulado.
Sumunod na nakaagaw sa aking pansin ay ang estado ng aking kahubdan. Tanging ang kulay puting kumot at benda lamang ang nagsisilbing harang sa aking kaselanan. Bagama’t nahihirapan ay marahan kong kinalap ang aking lakas upang likumin ang kumot at ibalot ito sa aking katawan. Pinilit ko ang sariling tumayo at maglakad patungo sa direksiyon ng pinto.
Bago pa man ako tuluyang makalapit sa sa pintuan ay bigla itong bumukas at inuluwa ang isang nilalang na muntik nang magpahinto ng tibok ng aking puso. Bagamat nakasimangot at salubong ang kilay ay hindi maitatatwa ang taglay nitong kagwapuhan!
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?”
Damadagundong ang boses sa loob ng buong silid.
Bago pa man ako makasagot ay mabilis nitong nagawang makalapit sa akin. Hindi ko napigilan ang sariling mapangsinghap matapos malanghap ang aroma ng natural na amoy nito. May taglay itong epekto na hindi ko maipaliwanag na siyang nanunuot at kumikiliti sa aking ilong.
DUB…
BA-DUB…
DUB…
“Bumalik ka sa kama at magpahinga ka! Hindi pa hilom ang mga sugat mo!”
Utos nito.
Para akong tangang napatitig lamang sa lalaki. Sino ba ’tong kumag na ito na akala mo ay kung sino makapag-utos?! Hindi porke’t matangkad at malaki ang pangangatawan nito ay may karapatan na itong umastang parang siga! Kahit gaano pa ito kagwapo at kamaskulado ay hindi ito dapat na umaakto na animo’y nakahihigit ito sa akin!
Teka?!
Gwapo?! Maskulado?!
Ano bang iniisip ko?!
Mabilis na hinawakan nito ang aking noo upang pakiramdaman ang temperatura ng aking katawan. Para akong napaso sa init at gaspang ng palad nito. Bigla akong napaatras na labis na ikinasimangot ng estranghero
“Hindi kita sasaktan. Gusto ko lang malaman kung nilalagnat ka pa o hindi na!”
Garalgal ang boses nito na halos katunog ng isang angil ng hayop.
Muli itong nagtangkang hawakan ang aking noo subalit mabilis kong pinalis ang kamay ng lalaki.
“S-sino ka? At nasan ako?”
Usisa ko rito.
Sa kabila ng aking pagkailang ay hindi ko pa rin maiwasang humanga sa kakisigang taglay ng aking kaharap. Bagay na bagay dito ang hapit ng suot nitong itim na sando at maong na asul. Bigla akong nakaramdam ng kakaibang init na bumalot sa aking buong pagkatao. Kitang-kita ko ang ginawang pagsinghot nito sa aking direksiyon na tila ba nalanghap nito ang amoy ng aking reaksiyon.
Anong nangyayari sa akin?!
Marahas na napailing ang lalaki na tila ba nalilito at may kaisipang pilit na nilalabanan sa kanyang isip.
“Ako ang alpha ng mga tagabantay dito sa Punta Verde!”
Pagpapakilala nito.
“A-alpha?!”
Ulit ko na para bang namali ako ng dinig.
“Oo! Ako si Rogelio Alarcon!”
Pahayag nito.
Biglang tumayo ang balahibo sa aking batok. May kung anong kilabot ang tunog ng pangalan nito sa aking pandinig. Punong-puno ito ng kumpyansa at awtoridad.
Muli na naman itong suminghot na tila may nalalanghap ito sa hangin. Hindi nakaligtas sa aking pansin ang mabilis na pagbabago ng kulay ng mga nito. Bigla itong naging kulay asul subalit mabilis din itong naglaho at bumalik sa dati.
Hindi ko napigilang mapaatras dahil sa bahagyang pagkagulat.
“Sinabi nang hindi kita sasaktan!”
Wika nito sabay hablot sa aking kamay.
Awtomatiko kong tinangkang bawiin ang aking kamay na naging dahilan upang lumuwag ang pagkakahawak ko sa kumot na nakabalot sa aking katawan. Pareho kaming nagulantang ng bigla itong bumagsak sa sahig at ibinulgar ang aking kahubdan.
Para akong tuod na napako sa aking kinatatayuan habang mabilis na pinasadahan ng tingin ng lalaki ang aking katawan. Hindi ko maunawaan ang nagbabagang emosyon na aking nasilayan sa likod ng mga nito!
Dadamputin ko sana ang kumot subalit mabilis ako nitong hinila pabalik sa kama. Wala akong nagawa sa lakas at higpit ng pagkakawak nito. Madali ako nitong nakaladkad at naitulak pahiga sa kama.
“A-anong…-?!”
Hindi ko na natapos pa ang aking sasabihin dahil a pagtalukbong ng kumot sa aking katawan.
“Kailangan mong magpahinga dahil hindi ka pa lubusang magaling!”
Maawtoridad na utos nito.
“Ang mga bata? Anong nangyari sa kanila? Ligtas ba sila?”
Pagbabalewala ko sa lalaki.
Kitang-kita ko ang ginawang paghinga nito ng malalim na tila nagtitimpi.
“Ligtas ang mga bata kaya huwag mo na silang alalahanin at magpokus ka sa pagpapagaling mo. Nabasa ko ang ulat tungkol sa abilidad mo. Wala kang kakayahang gamutin ang sarili mo kaya kailangan mong pahinga!”
Mahabang litanya ng lalaki.
Doon lamang ako tila nabunutan ng malaking tinik sa dibdib at nakahinga ng maluwag. Ang bangungot na kanina’y gumugulo sa aking isip ay biglang naglaho at nabalewala.
Panandalian akong nakalimot at mabilis na napahiga sa kama. Parang ulan na biglang bumuhos ang sakit sa aking katawan dahil sa pagkabigla. Ngayon ko naramdaman ang labis na hapdi at kirot na kanina ay hindi ko masyadong iniinda.
“Urghhh…”
hindi ko napigilang mapangiwi matapos mapahawak sa aking sikmura.
“Dahan-dahan!”
Bakas ang pag-aalala sa boses ng dominanteng lalaki. Sa isang iglap ay nagawa nitong umupo sa aking tabi.
Sa pagkakataong ganito ay hindi ko maiwasang madismaya sa aking abilidad. Sa kabila ng malakas na mahika na taglay ng aking orasyon, ay hindi ko ito pwedeng gamitin sa aking sarili. Hindi ko kayang doblehin ang aking lakas o pabilisin ang aking galaw. At lalong hindi ko kayang pagalingin o paghilumin ang aking sariling sugat.
Ayon sa aking ina, ang aming kapangyarihan ay kailangang mailabas mula sa aming katawan para maging epektibo. Kapag tinangka namin itong gamitin sa aming sarili ay kakanselahin ng aming sariling enerhiya ang orasyon at ito ay mawawalan ng bisa.
“Hindi ka dapat sumugod mag-isa. Dapat hinintay mo kami. Dapat hinintay mo ko para naprotektahan kita!”
Wika nito makalipas ang ilang sandali.
Ako? Poprotektahan ng Alpha ng mga tagabantay? Bakit?
“Mas mahalaga sa akin ang kaligtasan ng mga bata ng mga oras na iyon. Tsaka isa pa, nag-iwan ako ng mensahe sa isa mga tagabantay kaya alam ko na darating kayo.”
Paliwanag ko.
“Kahit na! Paano kung nahuli kami ng dating? Paano kung marami kang nakalaban? Paano kung mas malakas at mas makapangyarihan sa’yo ang nakaharap mo? Paano kung may nangyari sayo?”
Ramdam ko ang bakas ng takot ang tinig nito.
“Isa akong Sacramento at ginagawa ko lang ang sinumpaan kong tungkulin bilang isang mandarigma na kagaya mo. Wala itong ipinagkaiba sa mga misyon na ginawa ko na dati. Sa linya ng trabaho natin, normal na malagay ang buhay natin sa peligro. Alam mo yan!”
Ganti ko naman.
“Alam ko rin na dapat hindi ka nagpapadalos-dalos at sumusugod ng walang plano!”
Giit nito na aking ikinainis.
Hindi dahil pinuno ito ng mga tagabantay ay may karapatan na itong diktahan ako!
“At katulad nga ng sinabi ko kanina, kaligtasan ng mga bata ang prayoridad ko.”
Giit ko.
Matagal na naghinang ang aming mga mata. Buong tapang kong sinalubong ang titig nito. Hindi ko inaasahan na marahan nitong aangatin ang kanyang kanang kamay at hahaplusin ng kanyang daliri ang aking pisngi.
“A-anong ginagawa mo?”
Kunot noong tanong ko sa lalaki matapos bahagyang iiwas ang aking mukha.
DUB…
BA-DUB…
DUB…
Biglang natigilan ang alpha ng mga taong lobo. Tila nagulat din ito sa kanyang ginawa.
“Magpahinga ka na. Papupuntahin ko si Aron dito para tingnan ang sugat mo!”
Ani nito matapos biglang tumayo at tumalikod papunta sa pinto.
Anong nangyari?
-oOo-
Inabot ng isang linggo bago tuluyang nag-hilom ang aking mga sugat. Inalagaan ako ni Aron, ang kawani ng dating manggagamot ng mga taong lobo. Ginamot niya ako sa ilalim ng mapanuring tingin ng alpha ng mga tagabantay.
Hindi ko maiwasang magtaka sa kakaibang ikinikilos ng lalaki. Pakiramdam ko ay labis-labis ang atensiyong ibinibigay nito sa akin. Maging ang paraan ng pagkakatitig nito ay hindi ko magawang maipaliwanag. Nababalot ito ng kung anong emosyon na nahihigit pa sa pag-aalala.
Isa pa sa higit kong ipinagtataka ay ang pagpapagamit nito ng kanyang sariling silid sa akin. Ilang ulit kung binanggit dito na pwede na akong bumalik sa dati kong kwarto upang doon na lamang magpagaling subalit labis-labis ang naging pagtutol nito. Bago ko pa namalayan ay unti-unti nang naipon halos lahat ng aking mga gamit sa kwarto nito.
Inhale…
Exhale…
Kasalukuyan akong nakupo sa gilid ng kama habang nagninilay-nilay. Ngayong naghilom na ang aking mga sugat at nanumbalik na ang lakas ay nagpokus naman ako sa aking mahika. Isang linggo ko ring hindi nagamit ang aking abilidad habang nagpapagaling. Kaya naman ngayon ay nais kong makatiyak na walang naging epekto ang dugo ng sigbin sa aking kakayahan. Malaya kong pinadaloy ang enerhiya sa aking buong katawan. Nakahinga ako ng maluwag matapos walang makitang problema makalipas ang ilang sandali.
Huminga ako ng malalim bago nagpasyang tumayo at lumabas ng silid. Gusto kong makausap ang alpha ng mga tagabantay tungkol sa nangyari. Palagi nitong isinasantabi ang aking mga katanungan habang ako ay nagpapagaling.
Napadaan ako sa opisina ng lalaki habang naglalakad papunta sa hagdan. Kunot-noo akong napahinto matapos hindi sinasadyang madinig ang pinag-uusapan ng mga tao sa loob nito.
“Sigurado ka ba?”
Tanong ng isang pamilyar na tinig.
“Opo, alpha. Isang linggo na naming ginagalugad ang kasaysayan ng mga taong lobo ngunit wala pang naitatalang ganitong pangyayari, kayo pa lamang ni Eros ang una kung saka-sakali. Nagtanong na rin kami sa librerya ng pandaigdigang pamahalan, subalit wala rin silang maibigay na kasagutan.”
Paliwanag ng kausap nito.
Isang linggo na silang naghahanap ng kasagutan tungkol sa akin at sa Pinuno ng mga tagabantay? Tungkol saan?
Tuluyan ng napatid ang pisi ng aking pasensiya dahil sa ginagawang paglilihim ng alpha ng mga taong lobo!
“Una sa alin?”
Bungad ko sa mga ito matapos walang paapaalam na pumasok sa loob ng silid.
“Eros!”
Agad na napatayo ang lalaki at naglakad papunta sa akin. Bakas ang pag-aalala sa tinig nito.
“Hindi ka pa dapat naglalakad at lumalabas ng silid. Kung may kailangan ka, dapat tumawag ka na lang ng…-”
“Magaling na ko at hilom na ang mga sugat ko.”
Katwiran ko bago pa man ito tuluyang makalapit sa akin.
Baka masiraan lang ako ng bait kapag hindi pa ako lalabas ng kwarto mo!
Napadako ang aking tingin sa direksiyon ni Diego at sa katabi nitong lalaki. Ngumiti ako sa beta ng mga tagabantay at sa kauna-unahang pagkakataon ay nakitaan ko ito ng hindi maipaliwanag na pagkailang. Magalang itong tumango sa akin bago tumingin sa direksiyon ng kanyang pinuno. Sinundan ko ang tingin nito at nakita ang magkasalubong na kilay ni Rogelio.
Weird…
“Una sa alin?”
Ulit ko sa direksiyon ng nakasimangot na lalaki.
Hindi nakaligtas sa aking pansin ang ginawang pagpapalitan ng makahulugang tingin ng tatlong lalaki. Lalo akong nabalot ng matinding pagtataka.
“Sa tingin ko ay may karapatan akong malaman ang mga bagay na may kinalaman sa akin. Maaring pinapunta ako dito bilang kaparusahan sa aking ginawa pero inatasan din ako na tulungan at suportahan ang mga tagabantay ng Punta Verde sa abot ng aking makakaya. Hindi ko magagawa iyun kung maglilihim kayo sa akin.”
Litanya ko sa tatlo matapos ang panandaliang pananahimik ng mga ito.
Tumango si Rogelio sa ikatlong lalaki na wari ba ay binibigyan niya ito ng pahintulot na sagutin ang aking katanungan at magpaliwanag.
“Ako si Ricardo, ang enforcer ng mga tagabantay.”
Pagpapakilala nito matapos bahagyang humakbang papalapit sa akin.
“Eros,”
Sagot ko naman.
Gaya ni Diego ay mababakas din ang pangingilag nito sa akin na lalong nakapagpasidhi ng aking kyuryosidad.
“Inatasan ako ni Alpha na imbestigahan ang tungkol sa mga taong lobo at kanilang Luna.”
Panimula nito.
“Luna…”
ulit ko.
Ayon sa impormasyong paranormal, ang Luna ay ang nakatakdang kabiyak ng isang taong lobo. Ito ang nilalang na kanilang makakapareha at makakasama habang buhay. Walang nakakaalam kung paano ito nangyayari at kung paano napipili ang Luna. Maging ang mga taong lobo mismo ay walang kontrol kung sino ang kanilang magiging kapareha. Basta ang alam lang nila, tanging ang lobo sa kanilang pagkatao ang makakakilala rito.
“Ang Luna ay…-”
tangkang paliwanag nito subalit agad ko itong pinigilan.
“Alam ko kung ano ang Luna. Ang gusto kong malaman ay kung ano kinalaman nito tungkol sa akin at sa pinuno niyo?”
Kunot-noong tanong ko rito.
DUB…
BA-DUB…
DUB…
Hindi ko napigilan ang kabang bumalot sa aking dibdib habang hinihintay kasagutan ng lalaki. Humihiyaw ang maliit na parte ng aking isip na dapat kong ihanda ang aking sarili dahil hindi ko magugustuhan ang susunod na sasabihin nito sa akin.
Muling tumingin ang enforcer ng mga tagabantay sa kanyang pinuno. Narinig ko ang ginawang paghinga ni Rogelio ng malalim bago nagsaita.
“Ikaw ang aking Luna!”
Diretsang pahayag nito.
“Huh?!”
Ang tanging nasambit ko habang pinoproseso ang sinabi ng lalaki.
Para akong tuod na napako sa aking kinatatayuan. Doon lamang biglang nanumbalik sa akin ang gabi ng inkwentro ko sa sigbin. Tsaka ko lamang naalala ang wangis ng lalaki na lumapit sa akin bago ako tuluyang nawalan ng malay at ang isang salitang binitawan nito.
Luna…
CHAPTER 4
EROS SACRAMENTO
“Impossible! Hindi pwedeng mangyari yan! Baka nagkakamali ka!”
Mariin ang aking naging pagtutol sa naging pahayag ng lalaki!
“Sana nga nagkakamali lang ako pero ang lobo sa pagkatao ko ay humihiyaw na ikaw ang Luna ko.”
Kalmadong sagot nito na muling nag-akmang lalapit sa akin.
“Naririnig mo ba ang sarili mo? Paano ako magiging Luna? Lalaki ako! Lalaki ka! And no offense sa’yo, maaaring gawapo, maskulado at malakas ang karisma mo pero hindi ako bakla!”
Katwiran ko.
Ano bang pinagsasasabi ko?
Parang gusto kong suntukin ang sarili sa aking binitiwang pahayag. Hindi ito nakakatulong sa puntong nais kong iparating sa taong lobo. Lalo akong nakaramdam ng inis ng bahagyang umangat ang kurba ng labi nito.
“Hindi ka pwedeng magkaila. Hindi mo pwedeng itanggi ang koneksiyong mayroon tayo! Alam kong nararamdaman mo rin ang di mapipigil na atraksiyon nararamdaman ko para sa’yo!”
Pahayag nito.
Tahimik lamang na nakamasid sa amin ang beta at ang enforcer ng lalaki.
“Nagkakamali ka!”
Marahas na pagtanggi ko sa tinuran ng lalaki. Ramdam ko ang panginginit ng aking pisngi.
“Hindi rin ako interesado sa kapwa ko lalaki, pero heto ako ngayon pinipigilan ko ang sariling angkinin ka sa loob ng opisinang ’to!”
Dugtong nito.
“Ayun naman pala…-”
hindi na pinatapos nito ang aking sasabihin.
“Kaya nga pinaimbistigahan ko kay Ricardo ang kasaysayan ng mga taong lobo para malaman ang solusyon sa problema natin.”
Dugtong nito.
“Kulang at hindi sapat ang ginawa niya!”
Unti-unti ng nagiging histerical ang aking boses. Pakiramdam ko ay walang pinatutunguhan ang aming pag-uusap.
“Pulido kong sinunod ang utos ni alpha!”
Sabad ni Ricardo. Bakas ang pagkairita sa tinig nito.
Isang malahalimaw na angungol ang pinakawalan ng pinuno ng mga tagabantay na wari’y nagbabanta. Tila pinapaalala nito sa lalaki kung sino ang kanyang kaharap. Agad namang nabahag ang buntot ng enforcer .
“Wala akong pakialam sa tadhana! Hindi siya ang magdidikta ng kapalaran ko. Ikaw at ako ang madedesisyon kung ano ang dapat at hindi dapat sa mga buhay natin!”
Inis na pahayag ko.
“At papaano mo susuwayin ang nakatakda?”
Hamon nito.
Ipapakita ko sa’yo
!
Lakas loob kong tinawid ang maliit na distansiya sa pagitan naming dalawa. Nagulat ito matapos kong biglang hablutin ang kamay nito at tsaka nag-orasyon.
Taglay na kapangyarihan,
Ngayon ay kailangan!
Ugnayan ng kapalaran,
Ngayon ay wakasan!
Halos makabasag pinggan ang katahimikang bumalot sa loob ng silid. Ramdam ko ang mga mata ng tatlong lalaki na nakatuon sa akin.
Ilang sandali pa ay isang kulay puting liwanag ang namuo sa aking palad. Ramdam ko ang marahang pagdaloy ng aking mahika papunta sa kamay ng lalaki. Sa ikalawang pagkakataon ay muli kong nasaksihan ang pagbabago ng kulay ng mga mata nito. Maging ang hitsura nito ay nabago na parang mata ng isang lobo. Unti-unti ring lumabas ang awra ng lalaki. Isang matingkad na kulay asul ang humalo sa aking puting enerhiya.
Mainit!
Nakakakilabot!
Nakakakuryente!
Hindi ganito ang inaasahan kong reaksiyon ng aking orasyon. Hindi dapat nagsasanib ang aming enerhiya na tila ba magkaugma ang mga ito. Sinubukan kong pwersahang paghiwalayin ang mga ito. Pilit kong binawi ang aking mahika simubalit mahigpit ang pagkakahawak ng awra ng lalaki sa akin.
“Anong ginagawa mo?”
Kunot-noong tanong nito sa akin.
“Nilalabanan ang tadhana!”
Tanging sagot ko.
Hindi ko alam kung saan nanggaling ang kakaibang lakas na bumalot sa akin. Ramdam ko ang hindi kilalang pwersa na pilit na humahalo sa aming enerhiya.
“Ang mga mata mo!”
Bakas ang pag-aalala sa tinig nito.
Napako ang aking atensiyon sa mukha ng lalaki. Hindi ko maunawaan ang naging pahayag nito. Anong meron sa mga mata ko?
Ibinaling ko ang aking tingin sa isa sa tokador sa opisina nito. Gawa sa salamin ang pinto nito at kahit na malabo ay nagawa ko pa ring maaninag ang aking sariling repleksiyon. Nasindak ako sa aking nakita! Hindi lamang ang mga mata ng lalaki ang nagbago ng anyo!
Nababalot ng itim na kulay ang aking mga mata. Itim na kasing dilim ng gabi. Walang bahid ng anumang emosyon. Tanging nakakakilabot na kapangyarihan! Maging ang aking ugat ay tila galit na lumitaw sa aking balat. Nag-umpisa ito sa aking mga mata na marahang bumaba sa aking mukha papunta sa aking kamay na parang bang itim ang kulay ng dugo na dumadaloy rito.
“Eros!”
Pukaw sa akin ni Rogelio.
Nabalot ng kaba ang aking dibdib. Nag- panic ako! Sinubukan kong kanselahin ang aking orasyon subalit ito ay nabalewala. May kung anong presensya ang pilit na sumasakop sa aking pagkatao!
“M-may mali!”
Nanginginig ang aking boses na bumaling sa lalaki.
“Bawiin mo ang orasyon!”
Ma-awtoridad na utos nito habang ang sarili nitong awra ay pilit na nilalabanan ang itim na enerhiya na nakahalo sa aking mahika.
“H-hindi ko kaya!”
Bakas ang desperasyon sa boses ko.
“Alpha!”
Magkasabay na pahayag ng beta at ng enforcer nito.
“Diyan lang kayo! Wag kayong lalapit!”
Mariing utos nito sa dalawa. Utos na parang hindi boses na nagmumula sa isang tao.
Pilit kong pinakalma ang aking sarili. Mas lalo akong mawawalan ng kontrol kapag nag panic ako. Nagpokus ako sa enerhiyang pamilyar sa akin. Pinalago ko ito na parang halaman. Hinayaan kong ang presensya nito ang maghari. Hinayaan kong balutin nito ang itim na enerhiyang pilit na sumasakop sa akin.
Kasabay ng paghinga ko ng malalim ay pwershang pagkalas ko sa mahikang nag-uugnay sa amin. Pareho kaming tumilapon ng lalaki sa magkabiang parte ng silid. Tumama ang aking likod sa pader habang ito naman ay humagis sa kanyang lamesa.
“Alpha!”
Magkasabay na hiyaw ng alagad nito. Agad na lumapit ang mga ito sa kanilang pinuno.
“Anong ginawa mo?!”
Galit na humarap sa akin ang enforcer ni Rogelio. Naging mabangis ang itsura nito.
“Tumigil ka!”
Agad na hinablot ng lalaki ang braso ng kanyang alagad. Hindi ito isang utos, kungdi isang babala.
Nanlalambot ang aking mga tuhod na napaupo sa sahig. Anong nangyayari sa akin?
-oOo-
Nagdesisyon akong bumalik at magkulong sa loob ng aking silid matapos ang insidente. Tinangka akong kausapin ni Rogelio subalit sinabi ko rito na kailangan kong mapag-isa. Hindi ang presensiya ng lalaki ang aking kailangan kungdi ang presensiya ng aking magulang.
RING! RING! RING!
Tahimik akong naghintay na may sumagot sa kabilang linya ng telepono. Isa lamang ang maaring paliwanag sa mga nangyari kanina at ito ay ang dugo ng sigbin na kasalukuyang nananalaytay sa aking ugat. Naiimpluwensiyahan nito ang aking mahika. Hindi mapigilang mamuo ng ilang katanungan sa aking isipan. Katanungan na tanging isang Sacramento lamang ang maaring makasagot.
“Eros, anak!”
Salubong sa akin ng aking ina.
Hindi ko mapigilan ang magkahalong lungkot at saya na pumuno sa aking dibdib. Bigla akong nakaramdam ng matinding pangungulila. Isang linggo ko ding hindi narinig ang boses nito habang ako ay nagpapagaling. Hindi ako nagpakita dito sa video call dahil ayaw kong mag-alala ito sa aking kalagayan.
“Ma!”
Tawag ko sa pangalan nito. May bahid ng panginginig ang aking tinig.
“Okay ka lang ba? Nabalitaan namin ang nangyari sa’yo! Gusto ka naming puntahan pero kailangan pa naming humingi ng permiso sa militia paranormal bago ka makita.”
Bakas ang matinding pag-aalala sa tinig nito.
“Ayos lang ako, ma! Wag kang mag-alala. Kamusta kayo ng papa? Ang kuya at ate, nasaan? Alam din ba nila ang nangyari?”
Tanong ko rito.
“Okay lang kami. Ikaw nga ang inaalala namin. Ginagawa lahat ng papa mo at nang kuya mo ang kanilang makakaya upang mapabalik ka agad rito. Lahat ng koneksiyon at impluwensiya natin ay ginagamit na nila para makauwi ka.”
Paliwanag nito.
“Salamat, ma.”
Hindi ko mapigilang mapaluha. Kahit malayo ay ramdam ko ang pagmamahal ng mga ito sa akin.
“Bakit napatawag ka? May nangyari ba ulit?”
Usisa ng aking ina.
“Kailangan ko ng tulong niyo ni papa.”
Dito ko inumpisahang ilahad ang lahat ng nangyari habang tahimik lamang itong nakikinig sa akin.
Inumpisahan ko ito sa gabi ng una kong marinig ang boses ng batang-lobo hanggang sa napunta ito sa pakikipagtuos ko sa sigbin. Wala akong kinaligtaang detalye. Maging ang nangyari ngayong umaga ay ikinuwento ko rin dito; kabilang na ang natuklasan ko na pagiging Luna ng pinuno ng mga taong lobo.
“Anong nangyayari sa akin, ma? Ano ang epekto ng itim na enerhiyang nananalaytay sa akin? Magiging masama ba ako? Sasakupin ba nito ang pagkatao ko?”
Sunod-sunod na tanong ko sa aking ina.
Panandalian itong nanahimik sa kabilang linya. Tanging ang mahinang pahinga lamang nito ang aking naririnig.
“Ma?”
Tanong ko rito makalipas ang ilang sandali.
“Kakausapin ko ang papa mo at pupuntahan ka namin sa lalong madaling panahon, anak. Aayusin natin ’to.”
May bahid ng kakaibang emosyon ang tinig nito na hindi ko maipaliwanag.
Pinilit ko itong balewalain at inisip na nag-aalala lamang ito para sa akin.
“At paano ang pagiging Luna ko? Ano ang kailangan kong gawin para matakasan ko ang kapalarang iyon?”
Tanong kong muli.
“Iyan ang hindi ko kayang sagutin, anak. Tanging ang mga taong lobo lamang ang makakasagot niyan. Isa lang ang sigurado ko…-”
huminto na wari ba ay tinitimbang nito ang kanyang mga sususnod na sasabihin.
DUB…
BA-DUB…
DUB…
“Ano ’yun, ma?”
Dinig ko ang malakas na pagtibok ng aking puso.
“Walang orasyon o mahika ang pwedeng bumago sa nakatakda. Ang pwersa na nag-uugnay sa inyo ng pinuno ng mga tagabantay ay nahihigit pa sa kung anong kapangyarihang meron ang mga Sacramento.”
Paliwanag nito.
Hindi ko napigilan ang pagbagsak ng aking mga balikat. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa aking narinig.
-oOo-
“Okay ka lang?”
Salubong ni Rogelio pagkalabas ko ng aking silid.
Kunot-noo akong napatingin sa direksiyon nito. Kanina pa ba ito doon? Gaano na katagal na naghihintay sa akin ang lalaki?
“Mukha ba akong okay?”
Sarkastikong tanong ko rito.
Matagal na naghinang ang aming mga mata. Hindi ko mapigilang makonsensiya lalo na at mababakas ang pag-aalala sa gwapong mukha ng lalaki. Paano nito nagagawang titigan ako ng ganun? Paano nito nagagawang isipin pa ang aking nararamdamn gayong pareho lamang kami ng sitwasyon.
“Alam mo ba na hindi lahat ng taong lobo ay masuwerteng natatagpuan ang kanilang luna? Marami sa nilalang na kagaya ang nabubuhay ng matagal at tumatanda na nag-iisa.”
Pahayag nito bago marahang humakbang papalapit sa akin.
“Ano ang pinupunto mo?”
Tanong ko dito matapos matapang na harapin ang lalaki.
“Na maswerte ako dahil natagpuan kita.”
Seryosong pahayag nito.
DUB…
BA-DUB…
DUB…
May kung anong saya ang pumuno sa aking dibdib dahil sa tinuran nito ngunit pilit ko itong isinantabi.
“So, tatanggapin mo na lang ganun-ganun?”
Ganti ko.
“Sa ayaw man natin at sa gusto, para tayo sa isa’t-isa!”
Sagot nito matapos huminto sa aking harapan.
“Paano mo nagagawang sabihin ’yan? Bakit ang dali mong natanggap samantalang ikaw na mismo ang nagsabi na hindi ka bakla?”
Tugon ko rito.
“Walang kinalaman ang kasarian nating dalawa kung para tayo sa isa’t-isa.”
Katwiran nito.
Isang mapait na tawa ang kumawala sa aking bibig. Napakadali para rito ang magbitiw ng ganung pahayag.
“Sigurado ka ba diyan o epekto lang ’yan ng mahika ng koneksiyon na mayroon tayo?”
Sarkastikong paghayag ko.
Biglang tumigas ang ekspresyon ng mukha ng lalaki. Marahan itong tumungo at inilapit ang kanyang mukha sa akin. Langhap na langhap ko ang mabagong hininga nito na nagdudulot ng kakaibang pakiramdam sa aking sikmura.
“Ikaw ang itinadhana para sa akin at hindi ko na kailangan ng iba pang rason para unawain at tanggapin iyun! Mas magiging madali ang buhay nating pareho kung tatanggapin mo ang katotohanan na para tayo sa isa’t-isa, Eros Sacramento!”
Bagama’t pabulong ay nararamdaman ko ang diin sa tinuran nito.
“Ayoko!”
Pagmamatigas ko.
“At bakit? Bakit ganun na lang ang pagtutol mo? Meron bang iba?”
Ramdam ang selos at pagbabanta sa tinig ng lalaki.
Biglang nagbago ang kulay ng mga mata nito. Imbis na matakot ay tila lalo pa akong nabighani at nahipnotismo. Pilit kong tinangkang labanan ang aking nararamdaman.
“Wala ka nang pakialam dun!”
Sagot ko.
Lalong naging mabangis ang itsura ng lalaki.
“Diyan ka nagkakamali, Eros!”
Angil nito sabay hawak sa aking batok. Bago pa ako nakapalag ay marahas na inangkin nito ang aking bibig!
CHAPTER 5
EROS SACRAMENTO
“Walang hiyang ’yun!”
Inis na pahayag ko habang naglalakad sa likod-bahay ng mansiyon.
Hindi ako pinatulog ng halik ng taong-lobo buong magdamag. Paulit-ulit naglaro sa aking isipan ang kapangahasang ginawa nito at dala-dala ko ito hanggang kinabukasan.
May maliit na bahagi ng aking isip ang naiinis sa sarili dahil hindi ko nagawang tanggihan o labanan ang haik ng lalaki. Para akong yelong natunaw sa mga bisig nito. Tandang-tanda pa ng katawan ko ang init na lumukob sa aking buong pagkatao habang ginagalugad ni Rogelio ang aking bibig. Marahas at mapang-angkin ang istilo ng paghalik ng taong-lobo na animo’y minamarkahan ako ng lalaki. Halos mapigtal ang aming hininga ng matapos ang halik. Hindi ko makalimutan ang nagbabagang emosyon sa likod ng mga mata nito matapos magtama ang aming tingin. Para akong dalagang pilipina na itinulak lamang ang lalaki at nagkulong sa aking silid.
“Urrrrgggghhhh! Asong ’yun!”
Gigil na pahayag ko.
Hindi na kami nakapag-usap pa ng taong-lobo matapos ang insidente. Tuluyan ng nawaglit sa aking isipan ang mga katanungan ko tungkol sa gabi ng pag-atake ng sigbin. Wala sa hinuha ko na ganito ang kahahantungan ko sa pagpunta sa Punta Verde!
Napukaw ang aking atensiyon ng isang malakas at nakakabinging huni ng ibon sa kalangitan. Hindi ordinaryo ang tunog nito. May halong kakaibang talim na animo’y nagbabadya ng panganib.
Marahan akong tumingala. Itinaas ko ang aking kanang kamay upang protektahan ang aking mata sa nakakasilaw na sinag ng araw. Agad akong napatakbo matapos makita ang tatlong bolang apo’y na bumubulusok sa aking direksiyon.
Marahas akong tumilapon at gumulong sa damuhan sa lakas ng naging pagsabog nito. Napuno ng amoy ng nasusunog na halaman ang paligid. Ramdam ko ang bagsik ng init ng apoy sa aking balat. Agad akong bumangon at tumayo upang ihanda ang aking sarili.
Ibong adarna?
Nakilala ko ng nilalang kasalukuyang naghahari sa kalangitan. Muli itong humiyaw at nagpakawala ng isang makabasag salamin na iyak bago umatake. Para itong dragon na bumuga ng apoy upang ako ay sunugin.
Elemento ng tubig,
Nayon ay manaig.
Apoy ng kalaban,
Iyong tapatan!
Agad kong pinakawalan ang orasyon upang salubungin ang atake ng kalaban. Parang tubig ng bombero na simirit ang likido sa aking mga kamay upang pukasain ang nagliliyab na apoy. Napuno ng mainit na usok ang aming kapaligiran. Nagmistula itong hamog na nagpalabo sa aking paningin.
Makalipas ang ilang sandali ay tumigil sa pagbuga ng apoy ang adarna. Agad ko namang binitiwan ang orasyon. Ginamit ko ang makapal na hamog upang ikubli ang aking sarili. Maraming katanungan ang namumuo sa aking isip.
Ayon sa impormasyong paranormal, ang ibong adarna ay alagad ng liwanag. Isa itong pamilyar ng salamangkero na tumutulong upang labanan ang pwersa ng kadiliman. Kabaliktaran ito ng sigbin na siyang naghahasik ng lagim.
Alagad ng kabutihan at alagad ng kasamaan, dalawang magkasalungat na nilalang ngunit iisa ang layunin? Ang makasakit ng inosente? Paano nangyari ito?
Pumwesto ako sa likod ng lumilipad na ibon. Itinaas ko ang aking kanang kamay sa direksiyon nito at nagsimulang lumikom ng enerhiya.
Hangin ang kadena,
Tubig ang hawla.
Kulungan ng adarna,
Ngayo’y gamitin na!
Umihip ang malakas na hangin kasabay ng unti-unting pagkawala ng hamog sa aming paligid. Mula sa lupa ay namuo ang isang ipo-ipo. Nagsimula ito sa maliit na bilog hanggang sa unti-unti itong yumabong at lumaki. Pilit na nagpumiglas ang ibong adarna matapos itong makulong sa buhawi, subalit ito ay nabelawala.
Patuloy kong pinanghawakan ang orasyon. Ramdam ko ang pagtakas ng enerhiya sa aking katawan. Hindi biro ang lakas na taglay ng nilalang kaya kinailangan kong doblehin ang enerhiyang nagpapatakbo sa aking mahika.
Ilang sandali pa ay napalibutan ito ng tubig. Nagmistulang bola ang kulungan nito. Rumaragasa at walang tigil na umiikot. Walang puwang para makatakas ang nilalang. Tinangka ng adarna na bugahan ito ng apoy subalit madali itong natupok.
Malakas na enerhiya ang kailangan upang panatilihin ang orasyon. Bago ko pa namalayan ay muling napuno ng kulay itim na ugat ang aking kanang kamay. Naramdaman ko ang nakakakilabot na enerhiya na unti-unting sumasakop sa aking pagkatao. Bibitawan ko sana ang mahika subalit biglang yumanig ang lupa.
Napaligon ako sa aking kaliwa at nakita ang pag-usbong ng isang nilalang na gawa sa bato, lupa at mga ugat. Hugis tao ito at nasa pitong talampakan! Itinapat nito ang isang kamay sa aking direksiyon at parang kanyon na pinakawalan ang isang malaking bato. Agad ko itong inilagan!
Muntik na akong madapa dahil sa pagmamadali. Kung sa ibong adarna pa nga lamang ay nahihirapan na ako, paano ko pagsasabayin na labanan ang dalawang ito? Nabalot ng kaba ang aking dibdib. Hindi ko mapigilang magtaka kung bakit sa gitna ng kaguluhan at komusyon ay wala ni isang tagabantay ang sumasaklolo sa akin?
Napatingin ako sa direksiyon ng adarna. Kunot-noo akong nagtaka dahil hindi pa rin nawawala ang epekto ng aking orasyon. Tila patuloy pa rin itong sinusuplayan ng itim na mahika na aking taglay! Hindi ko nagawa pang pagnilayan ang mga pangyayari dahil sa muling pag-atake ng nilalang na bato.
Patuloy akong tumakbo upang iwasan ang malalaking bato na sunod-sunod na pinakakawalan nito. Hindi ko lubos maisip na noong ilang linggo lamang ay nagrereklamo ako sa katahimikan ng Punta Verde, subalit ngayon ay sunod-sunod ang buwis buhay na pangyayari na aking nararanasan!
Isang orasyon ang aking binuo habang patuloy na umiilag at tumatakbo.
Abilidad ng Sacramento,
Panangga sa elemento.
Kapangyarihang ibinato,
Gawing paru-paro!
Huminto ako at hinarap ang malaking bato na lumilipad sa aking direksiyon. Pinakawalan ko ang mahika gamit ang aking hintuturo. Bago pa ako tamaan ng malaking bato sumabog ito sa ere at naging libo-libong paru-paro.
Muli kong sinamantala ang pagkakataong ito upang ikubli ang aking sarili. Isang orasyon ang mabilis na pinakawalan.
Orasyon ng Sacramento,
Dasal na sagrado.
Nilalang na bato,
Durugin ng pino!
Nakaramdam ako ng bahagyang panlalabo ng aking paningin. Ganitong-ganito ang aking naranasan kahapon matapos punahin ni Rogelio ang pagbabago sa kulay ng aking mga mata. Unti-unti kong nararamdaman ang tuluyang pangingibabaw ng itim na mahika sa aking katawan, subalit binalewala ko ito.
Isang kulay itim na enerhiya ang kumawala sa aking hintuturo. Mabilis itong bumulusok sa direksiyon ng golem at sa pagtama nito ay parang abong sumabog ang nilalang.
CLAP…
CLAP…
CLAP…
Hingal na hingal at nasa ganung posisyon ako ng makarinig ako ng palakpak mula sa aking likuran. Mabilis akong lumingon upang harapin ang kalaban. Nanlaki ang aking mga mata matapos makilala ang taong pinagmumulan ng tunog.
“Papa!”
Gulat na pahayag ko.
Bago pa man ito tuluyang makalapit sa akin ay isang bulto ng katawan ang humahangos na tumakbo at yumakap sa akin.
“Eros! Ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?”
Bakas ang matinding pag-aalala sa tinig ni Rogelio. Halos hindi ako makahinga sa higpit ng pagkaka-akap nito sa akin.
“A-anong nangyayari?”
Tanong ko matapos akong pakawalan ng lalaki.
Sa halip na sumagot ay galit itong bumaling sa aking ama. Kitang-kita ko ang pagbabago ng kulay ng mga mata nito kasabay ng pagbagsik ng gwapong mukha ng lalaki.
“Hindi kita tinulungang mapadali sa pagpunta dito para saktan mo si Eros!”
May bahid ng pagbabanta ang tinig nito.
Ito ang unang pagkakataon na nakita kong galit ang taong-lobo. Kitang-kita ko sa itsura nito na animo’y handa itong kumitil ng buhay anumang sandali!
“Humihingi ako ng dispensa sa aking ginawa, alpha ng Punta Verde, pero sinisigurado ko sa iyo na may maganda akong rason kung bakit kailangan kong subukin ang anak ko.”
Kalmadong sagot naman ng aking ama na walang bahid ng anumang takot.
Isang mahina ngunit malahalimaw na angil ang pinakawalan ni Rogelio kasabay ng pamumuo ng nakakuryenteng mahika sa aming paligid. Agad akong napatingin sa direksiyon ng aking ama! Hindi ako maaring magkamali! Nakahanda itong dependahan ang sarili kung sakaling umatake ang pinuno ng mga tagabantay.
Hindi ko alam kung gaano kalakas si Rogelio subalit kilala ko ang abilidad ng aking ama. Makapangyarihan ito. Isa sa pinakamalakas na salamangkero ng kanyang henerasyon!
Marahan akong lumapit kay Rogelio at humawak sa braso ng lalaki. Ramdam ko ang pagtakas ng itim na mahika sa aking katawan kasabay ng pagkawala ng mahika na kumukulong sa Adarna. Lumipad ang ibon at dumapo ito sa balikat ng aking ama.
“Huwag…-”
nangungusap ang aking mga matang tumingin sa lalaki.
Kitang-kita ko ang ginawang pagtitimpi nito. Huminga ito ng malalim upang pakalmahin ang kanyang sarili. Unti-unting nanumbalik ang anyo nito sa dati. Marahang umangat ang kamay kanang kamay nito upang haplusin ang aking pisngi. Sa pagkakataong ito ay hindi ako umiwas bagkus ay ninamnam ko ang init na dulot ng daliri nito. Hindi ko alam kung bakit kasiguraduhan at proteksiyon ang dulot ng simpleng kilos na ito sa akin.
“Pumasok tayo sa loob!”
Maawtoridad na pahayag nito matapos bumaling sa aking ama.
CHAPTER 6
EROS SACRAMENTO
“Hindi mo kailangang mag-alala sa pinsala sa iyong lupain at sa posibilidad na baka nadiskubre ng ibang tao ang pagtutunggali namin ng mahika ni Eros dahil lumikha ako ng artipisyal na mundo bago kami nagsimula.”
Bungad ng aking ama matapos maupo sa harapan namin ni Rogelio.
Hindi ko napigilan ang pamulahan ng mukha. Bagama’t kausap nito ang pinuno ng mga tagabantay ay nakatuon ang atensiyon nito sa akin. Kelan nito nilikha ang artipisyal na mundo? Hindi ko man lang naramdaman ang mahika nito. Kung totoong kalaban ang aking nakatunggali kanina ay tiyak na aking pagkatalo.
Hindi rin nakaligtas sa aking pansin ang hindi makabasag pinggang tensiyong namumuo sa loob ng silid. Pakiramdam ko ay sinadya ni Rogelio na umupo sa aking tabi habang seryosong nakatingin sa aking ama. Naka-krus ang dalawang kamay nito sa kanyang dibdib habang nakatayo naman sa aming likuran ang beta at ang enforcer ng mga tagabantay na animo’y parang mga bodyguard .
Kitang-kita ko ang palihim na ngiting pumaskil sa mukha ng aking ama. Tila balewala lamang dito na siya ay nasa teritoryo ng mga taong lobo. Magkahalong paghanga at takot ang aking nararamdaman para dito. Paghanga dahil sa taglay nitong katapangan at takot para sa kaligtasan nito.
“Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa. Kaya kita tinulungan na mapadali ang proseso ng pagpunta rito ay dahil sa impormasyong mayroon ka tungkol sa mga nangyayari dito sa Punta Verde at sa nangyayari kay Eros!”
Maawtoridad na pahayag ng lalaki.
Agad akong napatingin kay Rogelio. Sitwasyon ng Punta Verde? Ano ang ibig nitong sabihin? Hindi ko napigilang mapaisip. Halatang marami pa akong hindi nalalaman tungkol sa tunay na nangyayari sa teritoryo ng mga taong lobo.
Huminga ng malalim ang aking ama bago nagsalita. Napalitan ng seryosong ekspresyon ang mukha nito.
“Umpisahan natin sa pagsubok na ginawa ko kay Eros.”
Anito matapos bumaling sa akin.
Hindi ko napigilang mapalunok ng aking laway.
“Gusto kong makatiyak na nasa tama ka pang kaisipan at hindi pa nasasakop ng itim na enerhiya ang pagkatao mo. Hindi ikaw ang una sa kasaysayan ng Sacramento na nakaranas ng ganito subalit ikaw pa lang ang unang naitala na hindi nawala sa kanyang sariling katinuan.”
Dugtong nito.
“Anong ibig mong sabihin, papa?”
Tanong ko.
“Marami sa mga ninuno natin ang nag-eksperimento at sumubok na gamitin ang itim na kapangyarihan bilang aramas at lahat sila ay nawala sa sariling katinuan sa loob lamang ng isang araw. Samantalang ikaw, bukod sa nagagawa mong panatilihin ang rasyonal na pag-iisip ay nagagamit mo rin ang itim na enerhiya para palakasin ang sarili mong orasyon.”
Sagot nito.
Patuloy kaming nanahimik at nakinig sa paliwanag nito.
“Ang suspetsa ko ay dahil ito sa kaneksiyon mo sa alpha ng mga taong-lobo. Ang ugnayan ninyo ang sumalba sa’yo para hindi ka mawala sa iyong sarili.”
Pagpapatuloy nito.
Ramdam ko ang pagbagsak ng aking mga balikat dahil sa kawalan nang pag-asa na matakasan pa ang pigiging Luna ni Rogelio. Ang ugnayang pilit kong pinuputol at itinatanggi ay siya palang higit kong kailangan upang hindi magumon sa itim na mahika.
“Paano kung nagkamali ka sa hinala mo? Paano kung sa pag-atakeng ginawa mo ay malubhang nasaktan si Eros o kaya tuluyan siyang nawala sa kanyang sarili? Ano gagawin mo?”
Salubong ang kilay na tanong ng lalaki.
Malamlam na tumingin sa akin ang aking ama bago ito sumagot.
“Kung ano ang dapat.”
May bahid ng lungkot ang tinig nito.
“Handa mong patayin ang sarili mong anak?! Anong klase kang magulang?!”
Galit na pahayag ni Rogelio kasabay ng paghampas nito ng dalawang kamay sa kahoy na lamesita.
Muling nagpalit ng anyo ang mga mata nito. Agad ko itong hinawakan sa kanyang braso upang awatin. Bagama’t masakit tanggapin ay nauunawaan ko ang punto ng aking ama.
“Mas gugustuhin mawala sa mundo kaysa maging instrumento ng kasamaan. Hindi kakayanin ng kunsensya ko kung makakasakit o makakapatay ako ng inosente.”
Paliwanag ko rito.
Kitang-kita ko ang ginawang pagpipigil nito sa kanyang sarili. Huminga ito ng malalim bago muling umupo. Ramdam ang labis na kagustuhan nitong makipagtalo at ipaglaban ang kanyang punto subalit minabuti nitong manahimik.
“At ang impormasyon sa sitwasyon ng Punta Verde?”
Pag-iiba nito ng usapan.
“Lumabas na ang resulta ng autopsiya ng labi ng dating manggamot ng Punta Verde. Bagama’t mahina ay nakitaan ng asawa ko ng bakas na itim na mahika ang bangkay nito.”
Sagot ng aking ama.
“Paano?”
Tanong ng lalaki.
“Hindi na mahalaga kung papaano. Ang importante ay madiskubre natin kung sino ang may pakana ng lahat ng ito. Ayon sa ahensiya ng paranormal at hindi pangkarinawan - tumataas ang ulat ng pag-atake ng mga nilalang ng dilim hindi lamang dito sa Punta Verde ngunit maging sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.”
Paliwanag nito.
Hindi ko mapigilang makaramdam ng lihim na paghanga sa aking ina. Hindi biro ang pagtuklas sa enerhiya sa labi ng isang nilalang. Lumilipas kasi ito at nawawala sa bawat pagdaan ng oras.
Tunay na pinagtagpo at itinadhana ang aking mga magulang. Kung ang aking ama ay isa sa tanyag na salamangkero sa mundo ng paranormal; ang aking ina naman ay isa sa pinakamagaling na manggamot sa bansa. Sa katunayan ay ito ang aking naging ehemplo upang gamitin ang pagtatrabaho sa ospital bilang cover sa aking ikalawang pagkatao.
“Alam ko na ang tungkol diyan kaya nga naging abala ako sa paghihigpit ng siguridad sa teritoryo ng Punta Verde ng nakaraang mga araw.”
Sagot nito.
Ngayon ay naunawaan ko na kung bakit hindi ko agad nakita ang pinuno ng mga tagabantay pagdating ko sa lugar.
“Pero mukhang huli na ang pahihigpit niyo ng siguridad.”
Katwiran naman ng aking amo.
“Anong ibig sabihin?”
Kunot-noong tanong ni Rogelio.
“Nasuri na ng asawa ko ang labi ng sigbin - kung ano man ang natira dito,”
panandalian itong tumingin sa akin bago nagpatuloy,
“ayon sa resulta ay iisa ang enerhiya na lumikha dito at ang enerhiya na pumaslang sa dating manggamot.”
Lahad nito.
“Sinasabi mo bang napasok na aking teritoryo?”
Nakaangil na tanong ni Rogelio. Muli itong makikitaan ng senyales ng paglabas ng kanyang lobo.
“Impossible? Bukod kay Eros at sa’yo ay wala pang ibang dayuhang sumalta sa Punta Verde na may kakaibang abilidad. Kung meron man ay agad namin itong malalaman!”
Sabad ni Diego.
“Dalawa lang ang ibig sabihin niyan, hindi biro ang taglay na kapangyarihan ng ating kalaban dahil nakakayanan nitong maitago ang kanyang abilidad o may isang nilalang na matagal ng nagpapanggap na kasapi ang mga taong lobo. Isang nilalang na palihim na gumagamit ng itim na mahika.”
Wika ng aking ama.
“Malabong magkaroon ng traydor sa mga tagabantay.”
Kontra naman ni Ricardo.
“At paano kayo nakakasigurado?”
Tanong ng aking ama.
“Dahil sa panunumpa ng katapatan. Bawat taong lobo dito sa Punta Verde ay nanumpa ng katapatan sa akin gamit ang kani-kanilang mga dugo. Ito ang nag-uugnay at nagpapalakas ng aming samahan. Kung sino man ang magtangka na gumamit ng itim na mahika ay agad ko itong malalaman.”
Sagot ni Rogelio.
“Kung ganun, mas dapat tayong mabahala dahil hindi basta-basta ang ating kalaban lalo na at kaya nitong ikubli ang kanyang abilidad sa inyo at sa akin.”
Pag-amin ng aking ama.
Pare-pareho kaming nawalan ng imik.
-oOo-
Malungkot kong tinitigan ang papalayong sasakyan na lulan ng aking ama. Kinailangan nitong bumalik agad sa siyudad matapos ang aming pag-uusap upang ipagbigay alam sa aking ina ang resulta ng kanyang pagbisita. Mahigpit kong hinawakan ang bigay nitong anting-anting habang ginugunita ang aming naging pag-uusap.
-oOo-
“Para saan ’to pa?”
Naaalala kong tanong rito matapos nitong ilagay sa aking kamay ang hugis tatsulok na agimat.
“Lagi mong isuot yan. Taglay niyan ang pinakamalakas na selyo na nilikha sa buong kasaysayan ng mga Sacramento. Huwag sanang dumating sa punto na kailanganin mo ’yan dahil permanenteng seselyuhan nito ang iyong abilidad.”
Paliwanag nito.
“Pa?!”
Gulat na pahayag ko.
Hindi ako makapaniwala sa aking narinig! Ito ba ang ibig sabihin nito kanina na handa nitong gawin kung ano ang nararapat? Nagkamali ba ako ng pag-intindi sa mensaheng nais nitong iparating? Akala ko ay handa nitong kitlin ang aking buhay kapag nasakop na ng itim na mahika ang aking buong pagkatao ngunit hindi pala.
“Gagawin namin ng mama mo ang lahat ng aming makakaya upang mailigtas ka. Mas pipiliin namin na tanggalin ang abilidad mo habang buhay kaysa mawala ka sa amin. Tungkulin namin bilang magulang na protektahan at mahalin kayong makakapatid. Hindi-hindi namin kayo pababayaan at mas lalong hindi namin kayo kayang saktan.”
Wika nito.
Hindi ko napigilan ang pamumuo ng aking luha. Agad akong kinain ng aking konsensiya dahil sa kitid ng aking pang-unawa. Hindi ko dapat pinagdudahan ang aking magulang! Dali-dali ko itong niyakap ng mahigpit.
-oOo-
“Okay ka lang?”
Pukaw sa akin ni Rogelio makalipas ang ilang sandali.
Tahimik lamang akong tumango sa pinuno ng mga tagabantay. Pilit kong nilalabanan ang pagpatak ng aking luha at ikinukubli ang lungkot na aking nararamdaman. Hindi ko mapigilan ang mangulila sa presensya ng aking mga magulang.
“Gusto ko mang patigilin ang ama mo dito sa Punta Verde ng matagal ngunit hindi ito papayagan ng ahensiya ng paranormal.”
Paliwanag nito.
Mababakas ang lungkot sa ekspresyon ng mukha ng lalaki na tila ba nararamdaman din nito ang lungkot na aking nararamdaman. Muli akong tumango sa tinuran nito bilang pang-unawa. Nandito ako ngayon sa Bicol bilang kaparusahan sa aking ginawang paglabag sa batas. Nararapat lamang na hindi ako bigyan ng espesyal ng pabor kahit na nga isa pa akong Sacramento.
Marahang umangat ang kanang kamay ni Rogelio upang banayad na haplusin ang aking pisngi. Panandalian akong nagpaubaya at kusang inihilig ang aking mukha upang damhin ang palad nito. Tila may malaking bahagi ng aking pagkatao ang nangangailangang maramdaman ang init at seguridad na dulot ng presensiya ng lalaki. Ilang segundong naghinang ang aming mga mata. Walang anumang salita ang namutawi sa aming bibig.

