MAGINDARA
Pyhurrehunk · 1 chapter · 4,787 words
MAGINDARA
Isang araw pa lang mula nang makabalik ako sa Diongan, may sumisigaw na sa pampang.
Nagkagulo ang mga tao, nag-uunahan sa gilid ng ilog.
Kumikislap ang ilog sa ilalim ng araw. Pero may mali. Masyadong mahinahon, parang may hinihintay. Napapalibutan ng kawayan at matatandang puno, halos tinatakpan ang langit. Amoy lupa ang hangin, may halong usok ng insenso mula sa gilid ng tubig.
May mga matatandang nagpapalo ng gong, paulit-ulit, pumapalo sa tenga.
Sa gitna ng mga tao, nakatayo ang Balyan, hindi gumagalaw. Sinasabi nila, may agimat siya. Nakikipag-usap sa mga hindi nakikita.
Nakasuot siya ng telang burdado, kupas pero makulay pa rin. Hindi gumagalaw ang buhok niya, kahit may hangin. Sa harap niya, isang puting manok ang nakatali ang mga paa, pilit kumakawala sa pagkakahawak ng isang matandang lalaki.
May umiiyak sa gilid.
Paglingon ko, si Trining. Nakaluhod siya sa putik, yakap ang sarili, nanginginig. Halos hindi na makilala ang mukha sa pamumugto ng mata. Sa likod niya, may mga batang nakasilip, walang imik, pero halata ang takot. May iilang babae rin, nagtatakip ng bibig habang umiiyak.
“Mando…” paulit-ulit niyang bulong.
Sabi nila, nalunod siya. Dalawang linggo na ang nakaraan bago pa ako makarating.
Unti-unting tumahimik ang paligid nang itaas ng Balyan ang kamay. Sabay tumigil ang mga gong.
Bumulong siya ng orasyon, halos di marinig. Sa sang iglap, pinilas niya ang lalamunan ng manok. Tumalsik ang dugo at kumalat ang amoy sa hangin.
Napalunok ako, napatingin sa tubig kung saan tumalsik ang dugo.
Parang may nakatingin mula sa ilalim.
“Hindi siya nalunod,” mahina pero siguradong sabi ni Mang Kaloy sa tabi ko.
Napatingin ako sa kaniya. “Ha?”
“May kumuha kay Mando.”
Napalunok siya. “Magindara.”
Dapat hindi ako naniniwala. Panahon na ng siyensya, hindi ng mga kwentong maligno. Pero ang baryo, naiwan sa pagitan ng kahapon at ngayon.
Liblib ang Diongan. Nakahiwalay sa kabihasnan ng Siayan, Zamboanga del Norte. Siguro kaya mas madaling kapitan ng takot kaysa katotohanan ang mga tao rito.
Pero bakit ako hindi makaalis?
May kumirot sa likod ng isip ko. Isang alaala, ayaw magpakita nang buo. Kababalik ko pa lang kahapon, matapos ang mahabang panahon, pero parang kilalang-kilala ko pa rin ang ilog na ’to.
Napatingin ako sa gitna, sa bahagi kung saan mas madilim ang tubig.
Sa isang iglap, may gumalaw. Hindi malinaw, pero sapat para mapako ako.
Matagal akong nakamasid sa ilog, pero walang lumutang.
Unti-unting humupa ang ingay. Isa-isa silang nagsiuwian, dala ang bulong at takot. Naiwan ang ilog, tuloy sa agos, tila may itinatago sa kailaliman.
Umalis na rin ako. Sumunod si Mang Kaloy.
Binaybay namin ang makipot na daan. Maputik ang lupa, may mga lumang bakas ng paa. Sa di kalayuan, medyo magkalayo ang mga kubo. Gawa sa nipa at kahoy na may mga haliging tabingi, at bubong na tila kayang tangayin ng bagyo. May mga batang sumisilip sa likod ng dingding. May matatanda rin na nakaupo, habang simpleng nagmamasid.
“Hindi ka dapat nagtagal doon,” sabi ni Mang Kaloy.
Huminto ako, lumingon.
Bahagya siyang nakayuko, hindi tumitingin diretso. Kulubot na ang balat niya, pero ang mga mata, gising na gising.
“Usisero ka,” dagdag niya, may bahid ng ngisi. “Delikado ’yan dito.”
“Ritwal lang naman ’yon,” sagot ko. “Para mahanap ang katawan ni Mando.”
Napailing siya.
“Akala mo lang.”
Lumapit siya. Naamoy ko ang pawis at lupa sa balat niya.
“Hindi para hanapin,” bulong niya. “Para ibalik… kung may natira pa.”
Nanigas ako.
“Kapag may kinuha ang ilog,” patuloy niya, “hindi sila basta nalunod.” Saglit siyang tumingin sa paligid. “Pinili sila.”
“Pinili?”
Ngumiti siya, ngunit walang init.
“Ang Magindara… hindi basta lumilitaw.” Bumaba ang boses niya. “Inaamoy niya ang tao saka babantayan.”
Saglit siyang tumigil.
“Sa pagsapit ng gabi, aakitin ka niya sa pamamagitan ng awit o bulong.”
Napalunok ako. “Umaakit… paano?”
Doon siya diretsong tumingin sa akin.
“Hindi ka niya pipilitin,” sagot niya. “Ikaw ang lalapit.”
Napatawa ako nang mahina. “Kwento lang ’yan.”
“Gusto mo man maniwala o hindi,” putol niya, “wala siyang pakialam.”
Humakbang siya palapit. Masyadong malapit.
“Pero tandaan mo ’to,” bulong niya sa tenga ko, “Kapag narinig mong may tumatawag sa’yo sa gabi…”
Huminto siya. Nakita kong bahagyang nanginginig ang labi niya.
“Huwag mong pansinin. Magdasal ka.”
“Bakit?”
Matagal bago siya sumagot. At nang magsalita siya, halos wala nang boses. “Kasi minsan… hindi mo alam kung siya ba talaga ’yon.”
Isang saglit.
“O ikaw na ang gusto niyang ilunod sa ilalim.”
Umatras siya, saka nagpatuloy sa paglalakad.
Ako naman, walang kibo habang naiwan sa gitna ng daan.
Pilit kong sinasabing kwento lang ang lahat. Pero hindi maalis sa isip ko ang ilog. At ang pakiramdam… na may sumusunod.
HINDI NATAPOS kay
Mando.
Tatlong araw lang, may nawala ulit. May tsinelas sa pampang. Napigtas ang strap.
Sumunod si Benjie.
Kinabukasan… daliri lang ang bumalik. May singsing, pero walang bangkay. Lahat galing sa iisang lugar. Sa madilim na bahagi ng ilog.
Hindi na nagtagal, nagbago ang Diongan. Ipinatupad ang curfew. Pagsapit ng hapon, nagsasara ang mga pinto. Ang mga bata, hindi na lumalabas. Kahit ang mga aso, ayaw na lumapit sa ilog.
Sa gabi, may mga mahahabang alulong. Minsan sabay-sabay, minsan nag-iisa. Pero sa bawat alulong, may sumasagot.
Hindi ko alam kung saan galing.
At ayokong alamin.
Hanggang sa mapansin ng baryo ang pattern.
Hindi sila random.
“Si Rodel,” sabi ng isang babae kahapon sa talipapa. “Binubugbog ang asawa.”
“Si Benjie,” sagot ng isa. “Adik. Nanggugulo. Halos makulong dati.”
Napatigil ako.
Kilala ko sila. Hanggang ngayon, natatandaan ko pa rin ang mas batang mukha nila.
Tubig.
Malamig.
Hindi ako makahinga.
May kamay sa ulo ko… pinipilit akong ilubog.
“Lunodin mo pa!”
Sumunod ang malakas at walang pakialam na tawanan.
Napakurap ako.
Bumalik ang ingay ng baryo.
Huminga ako nang malalim, pero hindi sapat. Parang may naiwan sa dibdib ko.
Isa-isa kong inalala ang mga pangalan. Nandoon sila noon. Nakapalibot, nakatingin habang tumatawa.
Napahawak ako sa ulo ko.
Hindi ko alam kung matatakot ako… o kung bakit parang naiintindihan ko. Kung bakit, sa bawat balitang may nawawala, may parte sa akin tahimik lang na nakikinig.
Napatingin ako sa ilog.
Sa isang iglap, umuga ang tubig. Parang normal lang, pero hindi ko na maialis ang tingin.
SABADO.
Nagtipon ang buong baryo sa lumang covered court. Doon pinatawag ni Kapitan Tinong ang assembly. Siksikan ang mga tao. Tirik ang araw, pero mabigat ang hangin.
Sa unahan, nakatayo ang Kapitan, pawisan, paulit-ulit pinapahid ang noo gamit ang panyo.
“Hindi na puwedeng ganito,” sabi niya. “Hindi lang si Mando. Tatlo na sila. Masyado ng nakakabahala ito.”
“Lusubin na natin ang ilog!” sigaw ng isang lalaki. “Tingnan natin kung anong nasa ilalim!”
“At kung may nilalang nga?” sagot agad ng isa. “Magpapakain tayo sa kanya?”
“Eh ano?! Wala tayong gagawin hanggang sa maubos tayo?”
“Hindi niyo alam ang bagsik ng Magindara!” sigaw ni Mang Kaloy. “Hinuhukay niyo ang sarili niyong libingan!”
Biglang may paos at basag na sigaw mula sa likod ko.
“Pakiusap… Tulungan niyong makabalik ang asawa ko.”
Namatay ang kaguluhan.
Nilingon ko si Trining. Namumugto pa rin ang mata, at gusot ang damit. Halatang hindi na natulog. Sa tabi niya, may batang lalaki, mahigpit ang kapit sa laylayan niya.
Sa kabilang gilid, isang matandang ina ang yakap ang marumi at di pa nalalabhang damit ni Benjie.
“Anak ko ’yon…” bulong niya. “Nagbago na ’yon. Mabait ang anak ko.”
Walang sumagot at may mga umiwas ng tingin.
Napabuntong-hininga ako.
Deserve ba nila mamatay? Dumaan ang tahimik pero matalim na tanong sa utak ko.
Pinikit ko ang mata ko sandali. Pagdilat ko, pareho pa rin ang ingay. Ako lang ang kumalma.
Pinagmasdan ko kung paano sila matakot, mag-agawan ng sagot at pilitin kontrolin ang hindi nila maintindihan.
At sa gitna ng lahat… simple akong nakikinig sa kanila. Hindi nakikisali. Nagbibilang ang isip ko. Ilan na ang nawawala. Ilan ang maaring susunod pa.
Napatingin ako kay Trining. Sa batang hawak niya. Sa matandang yakap ang basang damit.
May kirot sa dibdib ko, oo. Nakakaawa sila. Umaasa pa rin. Mahirap mawalan ng mahal sa buhay.
“Magdesisyon tayo,” sabi ni Kapitan Tinong. “Ngayong gabi, walang lalabas. Bukas, bababa tayo sa ilog.”
Napatingin ako sa labas. Sa direksyon ng ilog. Hindi ko alam kung bakit, pero may humihila sa’kin doon.
EWAN KO KUNG anong oras na, pero malalim na ang gabi.
Patay ang ilaw. Nakahiga ako sa banig, nakatitig sa kisame na halos hindi ko na maaninag. Pinipilit kong matulog, pero gising ang isip ko.
Bukas, bababa sila sa kailaliman.
Dapat ba akong sumama?
Napapikit ako.
“Andres…”
Napamulat ako.
Mahina lang, pero malambot. Boses babae.
“Andres…”
Napabangon ako. Bumilis ang tibok ng dibdib ko.
Tahimik ang bahay, pero naroon ang boses.
Dahan-dahan akong napalingon sa bintana.
Bukas.
Sa labas, maliwanag ang buwan. Puting-puti ang paligid. Walang hangin, at walang gumagalaw.
At doon… may awit. Mahina pero paulit-ulit. Hindi ko maintindihan ang salita, ngunit pamilyar ang himig. Parang narinig ko na… sa panaginip. O sa ilalim ng tubig.
“Andres…”
Napatayo ako. Binalewala ko ang curfew. Lumabas ako. Hindi ko maalala kung nagdesisyon ba ako o kusang gumalaw ang katawan ko.
Halos walang tunog ang yapak ko. Ang daan na dinaanan ko kanina iba na ngayon. Mas makitid at madilim ang mga gilid. May mga anino, nakatingin. Pero hindi ako humihinto.
Habang papalapit ako sa ilog, lumilinaw ang awit. Hanggang sa… nakita ko siya. Sa mababaw na bahagi ng tubig.
Isang anyo.
Hindi ko masabing tao.
Pero mahaba ang buhok na basang nakadikit sa balikat niya. Maputla ang balat, halos kumikinang sa liwanag ng buwan. Nakaharap siya sa akin, nakatitig nang mariin. Hindi gumagalaw. Hindi ako sigurado kung humihinga siya o kung totoo siya.
“Andres…”
Napahakbang ako.
Isa.
Dalawa.
Wala na akong naririnig.
Siya lang.
Biglang naputol ang lahat. Pagkatapos… nilamon ako ng dilim. May humila sa isip ko palayo. May mga segundo o minuto na nawawala.
Nagmulat ako. Kinakapos sa paghinga.
Nasa kwarto na ako. Nakaupo sa banig. Bukas pa rin ang bintana. Normal ang gabi, walang nangyari.
Napatingin ako sa kamay ko. Doon ako napahinto. May kung anong malagkit sa mga daliri ko. Noong una akala ko putik lang. Pero nang iangat ko sa liwanag… dugo.
Kumapit sa mga daliri ko. Sumiksik sa loob ng kuko. Hindi marami pero nandun.
Nanigas ako.
May kung anong mabigat sa braso ko. Pagod na pagod ang mga kalamnan ko, na hindi ko maalala kung bakit.
Sinubukan kong alalahanin kung saan galing. Pero wala. Walang kahit ano. Tanging ang awit… at ang mga mata niyang naghihintay.
Paano?
Kinabukasan, maaga pa lang, nagtipon na ang baryo sa pampang. Mas kaunti ang usapan, pero mas mabigat ang tinginan. May dalang lubid ang ilan. May sibat. May isang bangkang kahoy na mukhang hindi sapat para sa kung anong haharapin namin.
Sumama ako. Hindi ko alam kung gusto ko… o kailangan ko.
“Dito,” sabi ng isa, sabay turo sa madilim na bahagi ng tubig.
Doon ulit kung saan palaging may naiiwan.
Isa-isa silang bumaba. Ang iba, pilit ang tapang. Ang iba, nanginginig na.
May unang sumisid. Ilang segundo lang, bigla siyang umahon, hingal, nanlalaki ang mata.
“Masyadong malalim…”
Sumunod ang isa pa.
“Parang walang ilalim…”
Pangatlo. Pag-ahon niya, napaatras agad siya, halos madapa.
“May humihila!”
Napatinginan ang mga tao.
“Ha?”
“Anong humihila?!”
Hindi siya sumagot. Nanginginig lang siya, hawak ang braso niya na parang may sumakit.
Lumapit ang isa. “Ano’ng nakita mo?”
Hindi siya makapagsalita.
Natigilan ang lahat. May umatras. May babaeng napahagulgol, hinila ang anak palayo. “Uwi na tayo…”
Walang nag-utos, pero sabay-sabay silang umurong. Iniwan ang sibat. Hinila ang lubid. Walang gustong tumingin ulit sa tubig. Ako lang at ang iilang kalalakihan ang naiwan.
Napalunok ako.
“May narinig ba kayong kumanta kagabi?” tanong ko, hindi inaalis ang tingin sa ilog.
“Ha?”
“Kumanta?”
Kumunot noo sila.
“Wala,” sagot ng isa, medyo natawa pa. “Gabi na, tulog na ang mga tao.”
“Tahimik kagabi,” dagdag ng isa.
Napakurap ako. Alam kong hindi totoo ’yon. Doon unang kumirot ang kaba sa dibdib ko. Kung may narinig ako, bakit ako lang?
Pagdating ng hapon, nagkagulo ulit ang baryo.
“Nasaan si Adonis?”
Isang tanong at biglang nabulabog ang lahat. May tumakbo habang sumisigaw. “Hindi umuwi kagabi!”
Napapikit ako. Hindi ko gustong aminin, pero kilala ko. Isa siya sa mga…
Tumigil ako. Ayokong tapusin ang isip na iyon. Hindi ngayon. Hindi dito.
May mga nag-impake agad kinagabihan. May mga pamilyang nagdesisyong umalis bitbit ang kaya nilang dalhin, iniwan ang bahay. Pero mas marami ang naiwan dahil walang mapupuntahan.
Kinabukasan, lumutang si Adonis. Sa parehong lugar.
Dinala siya sa pampang. Nagtipon ulit ang mga tao. Hindi na lang takot ang umiiral sa sandaling ’yon. May halong galit.
Lumapit ako.
Namamaga ang katawan at maputla. Nakadilat ang mata, parang may hinabol hanggang dulo.
Pero ang mga marka… sa leeg at braso. Hindi simpleng gasgas o sugat. May kalmot.
Napaatras ako.
“Hindi ’to gawa ng tao…” bulong ng isa.
“Putanginang Magindara ’yan…” sagot ng iba.
Biglang may pumasok na puwang sa isip ko. Isang butas. Parang may nawawala. Hindi ko maalala kung natulog ba ako kagabi. Kung lumabas ba ako.
Napatingin ako sa kamay ko. Malinis na, pero may bakas pa rin. Hindi sa balat. Sa pakiramdam.
Napapikit ako.
Gusto kong malaman kung ano ang nasa ilalim ng ilog. Kung bakit unti-unti nitong kinukuha ang mga piraso ng nakaraan ko.
O posible kaya na nagkataon lang ang lahat?
Kasi si Mando. Palaisipan pa rin sa’kin hanggang ngayon. Wala siyang kasalanan sa’kin. Wala rin siya ’nung araw na ’yon. Bakit siya nawala sa ilog bago ako dumating?
Kailangan kong malaman ang sagot.
PAGKATAPOS ’NUN, madalas ko na siyang nakikita.
Hindi na lang sa gabi at sa ilog. Minsan, sa panaginip, nakalutang ako sa tubig. Hindi humihinga, pero hindi rin nalulunod. Sa ilalim, siya. Ngumingiti. Ang buhok niya, gumagalaw tila may sariling buhay.
Minsan, sa repleksyon sa balon. Yumuyuko ako para maghugas ng mukha, pero hindi ako ang bumabalik. Siya. Maganda… halos perpekto.
May makikinis na kaliskis sa balat niya. Kumikislap sa malamig na asul, tila batong basa. At sa leeg, may hasang. Halos hindi mapansin, pero gumagalaw at humihinga.
Hindi ako nasusuka ni natatakot.
“Atres…”
Napapikit ako.
“Andres…”
Pagdilat ko… nandoon siya sa gilid ng ilog.
Hindi ko na tinanong kung paano ako napunta roon. Mas nakakatakot isipin kung alam ko.
Nakatayo siya sa mababaw. Tubig hanggang bewang, pero hindi iyon katawan ng tao.
Habang gumagalaw siya, ang balat niya sa ibaba’y nagiging mas makapal na kaliskis. Hanggang sa… buntot. Mahaba at malakas, dahan-dahang sumasayaw sa tubig.
Parang may hinihila sa akin.
“Ako ang gumagawa nito para sa’yo.” Malambot ang boses niya, pero mabigat.
Humakbang ako palapit. Hindi ko naramdaman ang putik at lamig.
“Para makapaghiganti ka sa kanila, Andres.”
Napahinto ako.
“I-ikaw-”
Hindi ko natuloy.
Ngumiti siya.
“Hindi ikaw, Andres.”
Dahan-dahan siyang umatras palalim. Mas luminaw ang buntot niya sa tubig. Kumikislap sa bawat galaw. Nakakamangha pero nakakatakot.
“Ako ang gumagawa nito para sa’yo,” ulit niya.
“At ikaw-”
Nawala siya.
Isang saglit.
Pero naroon pa rin ang boses.
“… ako.”
Napabalikwas ako ng bangon. Hindi ako gumalaw ni huminga.
Napapaniginipan ko na naman siya.
Bukas ang pinto. May bakas ng paa sa papag. Dahan-dahan, napatingin ako sa mga paa ko.
Malagkit saka balot ng putik.
Sumunod pang gabi. Hindi ko alam kung bakit gising ako. Tulog ang baryo. Walang alulong ng aso. Parang sabay-sabay huminto.
Nakaupo ako sa gilid ng kama, nakatitig sa dilim.
At narinig ko ulit ang awit. Mahina ito at mabagal, pero mas malinaw.
Hindi ko na nilabanan. Tumayo ako saka lumabas. Hindi ko na iniisip ang daan. Kabisado na ng katawan ko.
Mas maliwanag ang buwan ngayon. Maputla ang tubig. At doon… may gumagalaw.
Nanigas ako.
Isang lalaki.
Walang malay ang katawan niya, kalahating nasa lupa, kalahating nasa tubig, unti-unting hinihila paloob, may humahatak na hindi ko makita.
Gusto kong sumigaw at tumakbo. Pero hindi ako gumalaw.
Nakita ko kung sino ang humihila.
Nanigas ako.
Hindi ako gumalaw.
Dahil sa isang iglap…
…ako iyon.
Nakaluhod sa tubig. Hawak ang paa ng lalaki.
Pero pagkurap ko… wala na.
Tubig lang, walang tao.
AMOY KANDILA at bulaklak ang buong bahay. Masikip, mainit, pero mabigat ang hangin.
Nasa lamay ako ni Adonis. Hindi ko alam kung bakit ako pumunta. Hindi naman kami close.
Nakatayo ako sa harap ng kabaong. Maayos ang pagkakahiga niya. Nalinis na ang putik. Natakpan ang mga sugat.
Hindi ko alam kung bakit bumabalik ang lahat ngayon nang ganito kalinaw… isang alaalang hindi mabura.
“Tandaan mo ’yan,” bulong ng boses. “Walang makakaalam.”
Hindi ako gumalaw. Pero sila, lumakas ang tawa.
“Hoy, tingnan niyo ’to. Parang aso!” sigaw ni Rodel, halos mapahawak sa tiyan sa kakatawa.
“Hindi aso,” dagdag ni Benjie. “Basang daga.”
“Tingnan mo. Nanginginig!”
Nadulas ako sa putik. Bago pa ako makabangon, may mariin na kamay na agad sa batok ko.
“Subukan mo ngang huminga sa ilalim, Andres!”
Binagsak nila nang marahas ang mukha ko sa tubig. Sumabog ang lamig sa mukha ko. Pumasok ang matulis na tubig sa ilong ko. Sobrang sakit.
Pumiglas ako. Pilit umangat, pero may tuhod na dumagan sa likod ko. May kamay sa buhok ko, dumidiin pababa.
“Hindi pa!” sigaw nila.
Napuno ako ng tubig. Napasinghap ako. Doon ako nagkamali. Mas maraming tubig ang pumasok.
Sa ibabaw, naririnig ko ang mga tawang puno ng yabang.
“Ang arte mo!”
“Umiiyak pa!”
Walang tigil. Pinilit kong kumapit sa lupa.
“Lalaki ka ba talaga?”
Umiitim ang paligid. Humihina ang katawan ko. At sa gilid, may isa, walang imik. Hindi tumatawa ni lumalapit.
Saglit nagtagpo ang mga mata namin. May pag-alinlangan doon.
“Hoy!” sigaw ni Rodel. “Anong tinitingin-tingin mo diyan? Gusto mong maligo kasama ni Andres?!”
Tumingin siya sa akin sandali. Tapos umiwas, sumama ulit sa tawa.
Doon, may nabasag. Hindi lang tiwala at pag-asa. Pati ang huling dahilan para maniwala akong may pipigil sa kanila.
Sa huling lakas ko, iminulat ko ang mata ko. Malabo, pero sapat para makita ko silang tumatawa.
At sa loob ko, may nabuo. Hindi na takot kundi galit. Pinapangako ko sa sarili ko. Kung makakaahon ako… babalikan ko sila. Isa-isa. Walang makakaligtas.
Biglang may humila sa akin pataas. Humabol ako ng hangin. Napasinghap ako. Kasabay ng ubo.
“Uy! Buhay pa!”
Sabay tawanan nila ulit. Humiga ako sa putik. Nanginginig, pero hindi na ako umiiyak. Tahimik lang akong nakatingin sa kanila.
Isa-isa.
Inaalala ang mukha nila.
Ang tawa.
Ang boses.
Iniukit ko sa isip ko.
Sa loob ko, sigurado ako. Hindi ito matatapos dito. Babawi ako.
Sa susunod, ako na ang magpapalubog sa kanila.
Bigla akong napamulat.
Nasa lamay niya pa rin ako. Pero iba na ang pakiramdam. Mas malinaw, parang may hinugot mula sa loob ng ulo ko at iniwan akong walang mapagtataguan.
Napatingin ako kay Adonis sa loob ng kabaong. Tahimik na siya. Hindi siya ang parehong taong tumawa habang nilulubog ako noon. Panay ang sigaw…
“Lunodin mo pa!”
Napapikit ako.
At doon siya bumalik.
Gabi.
Amoy alak.
Pasuray-suray si Adonis sa daan.
“Hoy… Andres…”
Ngumiti siya. Parehong ngiti at yabang. Kumirot ang dibdib ko. Isang bagay na hindi nawala kahit ilang taon ko itong tinakbuhan.
Humakbang ako palapit. Hindi ko siya pinatapos magsalita. Hinawakan ko siya nang mahigpit. Napakunot ang noo niya dahil sa pagtataka. Hindi pa siya natatakot.
Hinila ko siya.
“Anong-hoy-”
Natisod siya sa putik. Napamura saka sinubukang kumawala. Mas humigpit ang hawak ko.
Hindi ako nagsalita.
Dinala ko siya sa ilog.
Napadilat ako.
Hindi!
Hindi ako ’yon. May Magindara!
Pero bakit alam ko kung paano siya huminga bago tuluyang tumigil?
At doon… nagsimulang mabasag ang ilusyon ng utak ko.
Si Rodel.
Dumudulas sa putik habang hinihila ko siya.
“Parang awa mo na- Andres…”
Saglit akong napahinto. Parehong boses at pakiusap.
Ako rin ’yon dati.
Pero hindi ako huminto.
Hindi ko pinakinggan. Ibinagsak ko siya sa mababaw na tubig. Nagpumiglas siya. Sumipa at sumigaw. Hinawakan ko ang ulo niya.
Sandali lang, nagdalawang-isip ako. Hindi ko kayang pumatay. Hindi ako ganito.
“Lunodin mo pa!”
Biglang bumalik ang sigaw.
Tawa niya.
Doon… may nagbago. Hindi ako huminto. Dinidiin ko ang ulo niya, mas malakas, mas matagal. Nararamdaman ko ang paggalaw ng katawan niya sa ilalim ng palad ko. Ang paghina. Ang mga bula na kumukonti, hanggang sa wala na.
Wala akong marinig kundi sarili ko.
Napahawak ako sa ulo ko.
Si Benjie.
Mas marahas.
Lumaban siya. Tinamaan niya ako sa mukha. Nahilo ako. Pero hindi ako umatras. Hindi na. Pinatumba ko siya. Sinuntok nang paulit-ulit. Hanggang sa hindi na siya makasigaw. Hanggang sa hindi na siya makatingin.
Hinila ko siya sa ilog. Habang nilulunod ko siya, naririnig ko ang sarili kong mabagal ngunit kalmang paghinga.
Parang… okay lang.
Napadilat ako. Hindi ako gumagalaw. Pero hindi na ako tumatanggi. Hindi na ako magtatago sa ilusyon na pinapaniwala ko sa sarili ko. Unti-unting lumulubog ang lahat ng dahilan.
Walang Magindara. Naroon lang siya sa utak ko.
Napatingin ako kay Adonis. Napangisi ako.
Hindi na mayabang. Takot na lang. At sa isang iglap, naalala ko kung gaano ako katakot dati.
Pareho lang kami ngayon.
Parehong humihingi ng tulong, pero walang dumating para sa akin. Kaya wala ring darating para sa kanya.
“Hindi… Andres… hindi ganito-”
Hinawakan ko nang mahigpit ang leeg niya. Ramdam ko ang mabilis na pulso. Mabilis…takot. Tama lang.
“Alam mo kung ano ’to?” bulong ko.
Hindi siya sumagot. Itinulak ko siya sa tubig. Sinubukan niyang kumawala. Pero hindi ko siya pinakawalan.
Hindi na.
Hindi na ako hihinto. Hindi matapos ang lahat.
Dinidiin ko siya. Pinapanood ko ang mga mata niyang unti-unting nawawalan ng liwanag. Pinakikinggan ang mga bula. Pinaparamdam sa kanya ang ginawa nila sa akin. Ngunit sa paraang mas matagal. Mas masaya kung mas mabagal at masakit.
Hanggang sa… namatay.
Isang saglit, napalingon ako sa ilog nang marinig ko ang marahas na pag-uga ng tubig. May napansin akong isang anino sa malalim na parte, parang naghihintay, pero agad kong ipinikit ang mata.
“Wala siya roon. Ako lang ’to. Ako lang ang gumagawa nito,” bulong ko sa sarili.
Napadilat ako.
Tahimik ang paligid. Pero sa loob ko, hindi na. Wala na akong maitatago at maipagkakaila.
At ang pinakanakakatakot, hindi ako nasusuka ni natatakot. Hindi ako nagsisisi. May guilt… oo, ngunit mahina. Mabigat, pero natatabunan. Kasi mas malakas ang isang bagay na matagal ko nang hinintay.
Makapaghiganti.
Dahan-dahan akong napangiti. Hindi halata, pero totoo. Kasi ngayon, hindi ko na kailangang magkunwari. Hindi ko na rin kailangang gumawa ng halimaw sa utak ko.
Kasi alam ko na, kahit pilit kong sabihin na siya ang gumawa nito. Kahit paulit-ulit kong itanggi at ipilit na may Magindara.
Ang totoo…
Ako ang humila sa kanila. Ako ang pumatay. Pagbabayarin ko silang lahat.
GABI NA. Pero di ako nagpaawat sa paghakbang kahit mabigat ang katawang kinaladkad sa likod ko.
Hindi na siya gumagalaw.
Huminto ako sa pampang. Saglit ko siyang tiningnan. Walang malay o baka patay na talaga. Hindi na mahalaga.
Lumuhod ako at itinali ang lubid sa paa niya. Isang ikot. Ikinabit ko ang bato para tiyaking ’di na siya muling lulutang pa.
Sanay na ang kamay ko. Paulit-ulit ko na itong ginawa.
Napatingin ako sa ilog.
Napangiti ako.
“Kunin mo na,” mahinang bulong ko.
Walang sumagot ni gumalaw. Napatigil ako. May kung anong bumigat sa dibdib ko.
“Hindi ba… ikaw ’yan?” mas malakas na dagdag ko.
Walang kahit ano. At doon ko narinig ang sarili kong paghinga. Napakurap ako. Napatingin sa katawan sa paanan ko.
Dahan-dahan, itinulak ko siya. Gumulong at sumadsad bago nahulog sa tubig.
Isang saglit, lumutang. Nilamon ng mga bula. Pagkatapos, wala na.
Hindi ako umalis. Nakatayo lang ako. Pinagmasdan ang lugar kung saan siya nawala. Umaasang sandali lang… Kahit kaunti na a may gagalaw at aahon. Na may kukuha sa kaniya.
Wala.
Napangiti ako nang dahan-dahan. Hindi dahil may halimaw. Kundi dahil…
…wala.
Napatingin ako sa kamay ko. Bahagyang nanginginig. Hindi sa takot. Kundi sa pananabik.
Nagsimula ito bilang paghihiganti.
Pero sa bawat paglubog nila, may parte sa akin na umaasang may sasagot. Para gawing makatotohanan ang pinipilit sa utak ko na siya ang gumawa nito para sa’kin. Para hindi ako hahabulin ng sariling konsensiya, pati ng multo ng mga pinatay ko.
Kinabukasan, may isa na namang nawawala. Hindi na bago sa baryo. Di na sila sumisigaw tulad ng dati at nagtatanong kung ano ang nasa ilalim.
Alam na nila ang mas madali at ligtas na sagot na gusto nilang paniwalaan.
“Magindara.”
Bulong nila. Sabay iwas ng tingin sa ilog at sara ng pinto bago magdilim.
At sa bawat pagbanggit nila ng pangalan niya… mas lalo akong nagiging panatag.
Hindi nila kailangang magtanong at maghinala. Hindi nila kailangang tumingin sa isa’t isa. O sa akin.
Napangiti ako.
Tahimik sa gilid ng ilog.
Nakatingin ako sa madilim na bahagi kung saan ko sila iniiwan at pinapalubog.
At sa tubig… nakita ko ang repleksyon ko. Hindi na ako ang batang nilubog nila noon.
Hindi na ako ’yon.
Ngumiti ang repleksyon ko. Pero may kakaiba. Sa isang iglap… gumalaw.
Hindi kasabay ko. Hindi eksakto, parang may sariling galaw.
Parang… may isa pang nakatingin pabalik. Nanigas ako, saglit lang. Isang kurap.
Pagdilat ko, ako lang ulit.
Walang kahit ano.
Huminga ako nang mabagal. Tapos napangiti.
“Wala ’yon,” bulong ko.
Pero may isang saglit, parang hindi ako kumbinsido, o kung may gusto pa akong paniwalaan.
Sa likod ko, tahimik ang baryo.
Sa harap ko, tahimik ang ilog.
At sa pagitan… ako.
Kahit anong pilit kong sabihin na… ako lang ito, na wala talagang iba. Hindi ko mapigilan mapatingin sa madilim na bahagi ng tubig.
Sa unang pagkakataon, may isang tanong na ayaw mamatay.
Bakit parang may naghihintay pa rin sa ilalim?
Tahimik ang ilog sa gabing iyon. Maliwanag ang buwan. Walang kahit anong gumagalaw sa ibabaw. Pero sa ilalim, gising ang gutom.
Mag-isa si Mando sa pampang, nakayuko habang kinakalagan ang tali ng kalabaw. Sanay na siya sa dilim. Ilang beses na niyang tinawid ang ilog nang gabi.
Hindi niya napansin agad ang pagbabago. Ang tubig, bahagyang umuga. Tila… may huminga mula sa ilalim.
Napatigil siya.
“May tao ba..?”
Hindi niya natapos. Dahil narinig niya. Isang mahinang awit. Paikot-ikot ang tono, parang hele na mali ang pagkakanta. Walang salita, pero may ibig sabihin. Diretso ito sa tenga at sa loob ng ulo.
Napalingon siya sa ilog.
May anyo sa gitna. Isang babae. Nakatayo sa tubig na dapat lampas na sa ulo ng tao. Hindi siya lumulubog. Hindi rin gumagalaw. Nakatingin lang.
Mahaba ang itim at basang buhok, nakadikit sa balat na maputla, halos kumikinang sa dilim. Sa bawat galaw ng ulo niya, may kumikislap. Maliliit na kaliskis na parang asul na salamin.
“Mando…”
Malambot ang boses. Hindi niya kilala, pero parang kilala siya.
Isang hakbang.
Hindi niya napansin na lumapit siya.
Dalawa.
Lumubog ang paa niya sa putik.
Hanggang ang tubig lumublob na sa tuhod niya. Hindi na siya tumigil.
Ang awit… lumalalim. Mas malinaw… malapit.
Hanggang sa nakita niya ang mukha.
Maganda.
Sobrang ganda, pero mali. Ang ngiti, masyadong mahaba. Ang mata, walang puti. Puro itim ngunit gutom.
“Mando…”
Mas malapit na siya ngayon. Tubig hanggang baywang na niya. Hanggang dibdib… sa leeg.
Hindi niya naisip umatras. Hindi rin niya naisip tumakbo, kasi sa sandaling iyon, gusto niyang lumapit. Gusto niyang sundan.
Bigla… may marahas at mabilis na kumapit sa paa niya.
Napabalikwas siya.
Napamura.
Pero huli na.
Hinila siya pababa.
Bumukas ang bibig niya, pero mabigat na tubig ang pumasok.
Sa ilalim nakita niya siya ulit. Hindi na babae.
Ang balat niya, punit-punit, naghihiwalay sa laman para ilabas ang makapal na kaliskis. Ang leeg niya, may hasang na bumubuka at sumasara, sumisipsip ng tubig para makahinga.
At sa ibaba, hindi na paa. Kundi mahaba at malakas na buntot. Pumuputok ang kaliskis sa bawat galaw.
Humigpit ang hawak nito sa kanya. Dalawang kamay, payat, pero matibay. Nakabaon ang mga kuko sa laman ng paa niya.
Hindi kuko ng tao. Mas mahaba at matulis.
Bumuka ang bibig niya. At doon nakita ni Mando. Mga hanay ng marami ngunit siksik na maliliit at matatalim na pangil. Gumagalaw, parang buhay.
Sumigaw si Mando. Pero walang tunog.
Lumapit ito. Dahan-dahan, nilalasap ang takot.
At sa unang kagat, napunit ang laman.
Hindi agad siya pinatay. Pinirmi siya, hinayaan maramdaman ang bawat punit. Bawat kagat at pag-agos ng dugo na kumalat sa tubig.
Uminit ang paligid. Kumalat ang dugo at sa bawat patak, lalong bumilis ang galaw ng nilalang. Mas gutom… mas marahas.
Hanggang sa hindi na siya gumalaw at sumigaw.
Sa ibabaw, isang malakas na lagapak ng tubig. Pagkatapos, parang walang nangyari.
Pero sa ilalim, hindi ito natapos.
Hindi siya naghintay.
Hindi niya kailangang umaakyat. Dahil natuto siya. May lalapit at tatawag. May magdadala para sa kaniya.
At sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, nabigyan siya ng ritmong hindi siya ang gumawa.
Isang tao.
Isang anino sa pampang.
Hindi niya kilala ang pangalan, pero kilala niya ang galaw. Ang paghila at pagtulak ng katawan.
Ang pag-aalay nito sa kaniya.
Sa bawat katawan na lumulubog, mas lalong lumalalim ang gutom. Dahil bago pa dumating si Andres, may halimaw na sa ilog.
At ngayon, may nagpapakain na sa kanya.
O baka… pareho lang sila.
Magkaibang gutom.
Iisang ilog.

