loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Naniniwala Ka Ba Sa Pamahiin?

Naniniwala Ka Ba Sa Pamahiin?

misterdisguise · 4 chapters · 4,567 words

Ang Simula

Patakip-silim palang nang mga oras na iyon pero parang gabi na dahil tuluyan ng nilamon ng kadiliman ang kalangitan. Isama pa riyan ang nagbabadyang pagbagsak ng mga butil ng ulan.

            Napagpasyahan naming magbabarkada ang mag-camping sa Pampanga matapos ang madugong semester. Naniniwala ako sa mga pamahiin kaya todo tutol ako nang una nang sabihin nilang magka-camping kami sa huling taon namin sa pag-aaral.

            Ayon kasi sa paniniwala ng matatanda, kailangang iwasan ang paggala o pag-alis sa huling taon ng pag-aaral hangga’t maaari, sa kadahilanang lapitin ng aksidente ang mga estudyante sa ganoong panahon.

            “Ayos na ba ang lahat?” patanong na sigaw ni Anthony na s’yang magmamaneho ng aming sasakyan. Napansin niya ’atang tulala pa rin ako sa likurang ng sasakyan kaya nilapitan niya ako. “Ikaw, Rachel? Nailagay mo na ba ang mga gamit mo sa likod ng sasakyan?”

            Tumungo ako bilang tugon. Matapos iyon ay ibinaba na ni Anthony ang pintuan at sumampa na sa harapan ng sasakyan.  Umupo ako sa pinakalikuran ng van at doon ay tahimik na pinagmasdan ang labas.

            “Ready na ba ang lahat para sa camping?” tanong niya sa lahat.

            “Oo!” sabay-sabay nilang sigaw maliban sa akin. May iba talaga akong pakiramdam sa gagawin naming out of town. Naniniwala ako sa lakas ng girl’s instinct kaya may 50% chance na tama ang hinala ko.

            “Huwag na kaya nating ituloy,” pagpipigil ko sa kanila bago pa man umandar ang sasakyan. Lahat sila ay napatingin sa likod kung saan ako nakaupo. “May masama kasi akong kutob,” dagdag ko.

            “Huwag ka ngang K.J. Kung ayaw mo, bumaba ka na lang,” iritableng turan ni Carla at saka inirapan ako.

            “Sumang-ayon ka na ’di ba? Saka napagpalanuhan na ’to?” ani Pamela na siyang nasa harapan ko at katabi ni Carla.

            Alam ko namang ganyan ang magiging reaksyon nilang lahat sa magiging pagtutol ko. Lahat sila ay pinaghandaan ang araw na ito kaya pursigido silang ituloy ang gala. Gusto ko lang naman sana sila iligtas sa kapahamakan na maaaring mangyari.

            Nabulabog kami nang biglang may matinis na ngiyaw kaming narinig. Napatayo ako para tingnan kung saan nanggagaling iyon.

            “Ano ’yon, JP?” tanong ng kanina’y tahimik lang na si Christian.

            Tumayo si JP mula sa pagkakaupo at tiningnan kung saan nanggagaling ang ingay. “May itim na pusa sa harapan ng sasakyan,” sagot ni JP na siyang katabi ni Anthony sa driver’s seat.

            Itim na pusa? Muli na naman akong kinutuban ng masama. “Huwag na tayong umalis,” pigil ko muli sa kanila.

            “Oh come on! So pati sa itim na pusa, naniniwala ka? Lumang pamahiin na ’yan!” sumbat ni Carla na ngayon ay sobra-sobra na ang inis sa akin.

            Yumuko na lang ako at nanahimik sa likuran. Wala na rin namang mangyayari kung makikipagtalo pa ako. Sino pa nga ba ang naniniwala sa pamahiin ngayon? Kaunti na lang at kasama na ako doon. Ika nga nila, wala namang mawawala kung paniniwalaan kaya malakas pa rin ang paniniwala ko sa mga pamahiin.

            Nagpatuloy pa rin kami sa pagbiyahe kahit nagkaroon ng kaunting alitan bago umalis. Siguro mamaya ay hihingi na lang ako ng paumanhin sa kanila lalo na kay Carla na siya pa namang pinaka-excited sa galang ito.

            Habang palayo nang palayo kami sa Maynila ay siya namang pakaunti nang pakaunti ng mga streetlights sa daang binabagtas namin hanggang sa ilaw na lang mula sa sasakyan ang tanging ginagamit namin bilang liwanag sa daan.

            Mahahalatang hindi na gaanong nakikita ni Anthony ang daan dahil sa sunod-sunod nitong pagdaan sa lubak.  Maging ako ay hindi na malaman kung ano ang nasa paligid namin dahil isang malawak na kadiliman lang ang bubungad sa ’yo sa labas.

            “Anthony, alam mo pa ba kung nasaan tayo? Naliligaw na ’ata tayo, e,” kinakabahang sabi ni Christian na nasa tabi ko.

            Lumingon siya sa likod bago nagsalita. “Alam ko siyempre,” paninigurado niya na mahahalataan naman na nagsisinungaling.

            Maya-maya, lahat kami ay nagsikapitan sa pintuan ng sasakyan nang makaramdam kami na isang mataas-taas na lubak ang nadaanan ng aming sasakyan. Ramdam ko ang paggulo ng maayos na pagkakasalansan ng mga gamit sa likuran. Hindi pang karaniwan ang lubak na iyon dahil mas mataas pa sa humps ng kalsada ang taas.

            “Ano ’yon?” pagtataka ni Pamela.

            Dahan-dahan akong lumingon sa likod para makita ang daang kaninang binagtas. Naitakip ko na lang bigla ang aking mga kamay habang parehong nanlalaki ang aking mga mata. Nakasisiguro akong hindi humps ang nadaanan namin o kung ano pa mang mataas na bato.

            “Aaaaaaahhhhh!” tili ko dahil sa isang taong nakahandusay sa daan. Nakasisiguro akong tao ’yon dahil sa kulay puting damit nitong suot na tinatamaan ng pulang signal light ng sasakyan.

            Natatarantang tumingin sa likod si Christian at parehas ng naging reaksyon ko, nanlalaki rin ang kanyang mga mata. Nanginginig ang kanyang buong kalamnan sa nakikita.

            Napuno ng pagtataka ang mga kaibigan kong nakaupo sa harapan ng sasakyan kaya binuksan nila ang pintuan at saka tiningnan ang bagay na ikinakatakot namin.

            Malakas at matinis na sigaw ang umalingawngaw sa buong lugar nang makita nila ang isang matanda na nakalupasay sa daan. Walang gustong lumapit sa matandang nakahiga dahil sa takot na patay na ito. Rinig na rinig namin ang bawat pintig ng aming mga puso na panay lang sa pagdagundong.

            Lahat kami ay kinakabahan. Lahat kami ay natatakot. Lahat kami ay nababalisa.

            “L-lapitan m-mo s-siya. T-tingnan m-mo k-kung b-buhay p-pa,” utos ni Carla kay JP.

            Dahan-dahan siyang lumapit sa matanda upang pulsuhan ito. Nangangatog ang kanyang mga kamay, hindi dahil sa lamig kundi dahil sa takot at kaba. Umupo siya sa tabi nito at saka hinawakan ang namumutlang kamay.

            Natigilan kaming lahat nang mga sandaling iyon habang hinihintay ang magiging sagot ni JP.

            “JP, ano na?” kinakabahang tanong ni Pamela na nasa tabi ni Anthony.

            “P-patay na siya…”

KABANATA I: Ang Trahedya

“P-patay na siya…” marahang sabi ni JP sa amin na mamamataan mo ang takot sa bawat bigkas ng salita.

Halos manikip ang dibdib ko dahil sa pagtigil ng paghinga ko. Hindi ko sila gustong sisihin sa nangyari pero kalahati ng utak ko ay nagsasabing, “Sana naniwala kayo sa akin.” Walang gustong mag-react. Lahat siguro kami ay nagmistulang mga bato na nawalan na ng pakiramdam sa mga oras na iyon.

“Nagjo-joke ka lang, ’di ba?” pagkukumbinsi ni Carla sa sarili na akala mo ngayo’y isang kawawang tuta. Gumuhit siya ng pilit na ngiti para palakasin ang kanyang loob. Napatiim-bagang naman si JP at saka umiling bilang sagot.

Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan naming lahat. Ang iba ay nakatingin kay Anthony na siyang nagmaneho ng sasakyan. Alam ko at alam nila na si Anthony lang ang maaaring sisihin sa nangyari pero walang gustong magsalita para itutok ang kanilang daliri sa kanya.

“B-basta ako, hindi ako makukulong,” nakakibit-balikat na sabi ni Pamela at saka bumalik sa loob ng sasakyan. Mahahalatang kinakabahan siya dahil sa panginginig ng kanyang mga kamay habang hawak-hawak ang kanyang cellphone.

“Bumalik na tayo sa loob,” ani Carla habang hinihila ang braso ni JP pabalik ng sasakyan.

“Hindi natin siya pwedeng iwan dito,” pagmamatigas ni JP.

“So anong gusto mong gawin ko? Isakay siya sa van at isama sa camping?! Hindi ako siraulo para isaalang-alang ang sarili kong kapakanan! Ayaw kong makulong!” sigaw ni Carla na tila isang bulkang sumabog. Ayaw naming madamay pero kahit baliktarin man ang mundo, saksi kami sa trahedyang ito.

Biglang lumapit at pumagitna sa kanilang dalawa si Anthony na may seryosong mukha. “Iwan niyo na ako. Ako naman ang may kasalanan dito. Kailangan kong akuin ang naging kasalanan ko,” wika niya.

“Oh, ’ayan na! Inaako na ni Anthony ang kasalanan. Pwede na ba tayong umalis?” saad ni Carla. Pero isang malakas na sampal mula kay JP ang lumapat sa kanyang mukha. Ngayon ko lang nakita na nauwi sa sakitan ang alitan naming magkakaibigan. Dati-rati kasi, kahit na maliit o malaki ang away, sa mabuting usapan pa rin humahantong ang lahat. Siguro ay dahil buhay na ang nakataya sa sitwasyong ito.

“How dare you?!” nanggagaliiting sigaw ni Carla at saka pinaulanan din ng sampal si JP. Bumaba kaagad ako ng sasakyan para umawat na rin sa gulo.

“Huwag kayong mag-away! Ano ba?! Sa tingin niyo ba, masosolusyonan natin ang problemang ito kung magsasakitan kayo?!” bulyaw ko sa kanilang dalawa.

Huminga muna nang malalim si Carla at saka binuo muli ang mga ideyang nasa isip niya. “So, sa tingin mo masosolusyonan mo ang problemang ito?” bato naman niya sa akin ng tanong.

Gusto ko siyang sampalin tulad ng ginawa ni JP pero para saan pa? Hindi siya kakalma kung isang sampal pa ang lalapat sa kanyang mukha. Baka mas maging malala lang ang sitwasyon na ikasisira ng pagkakaibigan namin.

“Magkakaibigan tayo.Walang iwanan, ’di ba? United we stand, divided we fall. Makakayanan natin ’tong problemang ito,” saad ko na siya namang ikinatahimik ng dalawa.

“Sorry. Nag-hyperventilate lang siguro ako. Hindi ko sinasadya,” paghingi ng paumanhin ni Carla. Mas maigi ito dahil nahimasmasan na sila. Mas makapag-iisip na kami nang maayos para solusyonan ang problemang ito.

Hindi namin napansin na bumaba pala ng sasakyan si Christian para lapitan ang bangkay ng matanda. Napakunot noo na lang ako nang mapansin na binubuhat na pala niya ang bangkay.

“Saan mo dadalhin ’yan?” pagtataka ni Anthony.

“’Di ba, gusto niyo masolusyonan ang problema natin? Tulungan niyo na ako dito,” ani Christian na patuloy pa rin sa paghila sa matanda papunta sa sasakyan.

“Saan mo nga ba kasi dadalhin ’yan?” pag-uulit ko ng tanong ni Anthony.

“Isasakay natin siya sa sasakyan at itatapon sa ibang lugar na walang makakakita,” sagot nito.

Lahat naman kami ay nanlaki ang mga mata sa naisip na solusyon ni Christian. Desidido rin pala siya na iligtas ang sarili mula sa pagkakakulong. Nagulat na lang ako nang biglang lumapit si Carla para tulungan si Christian sa pagbubuhat.

“Hindi ba kayo tutulong?” tanong sa amin ni Carla. Nagsilapitan na rin si Anthony at JP para tumulong sa pagbuhat. Nanatili lang akong nakatayo sa aking posisyon habang nag-iisip kung pipigilan ko ba sila o hindi sa gagawin. Sa tuwing tututol naman kasi ako sa kanila ay nagmumukha lang akong kawawa, lagi lang akong talo.

Hindi ko namalayan na lahat sila ay nasa loob na ng sasakyan maliban sa akin. Inilagay pala nila sa pinakalikod ang bangkay kaya naupo na lang ako sa tabi ni Pamela. Apat kami ngayong nagsisiksikan sa pangalawang hanay ng upuan ng van.

Sinimulan na muli paandarin ni Anthony ang sasakyan at naghanap ng malalim-lalim na bangin. Doon sana nila balak itapon ang bangkay ng matanda para kung may maghanap man ay matatagalan sila.

Tila nakisama sa amin ang buwan dahil biglang lumiwanag ang daan na aming binabagtas. Walang kahit anong maririnig sa paligid maliban sa mga paniki na naglalaro sa gabi at hampas ng hangin sa malalagong dahon ng mga puno.

Huminto sa pagmamaneho si Anthony nang makakita na ng isang bangin. Sinilip niya muna kung gaano kalalim ang bangin bago bumaba.

“Dito na, guys.” Nagsilabasan na ang tatlong lalaki at kinuha sa likurang bahagi ng sasakyan ang bangkay ng matanda.

“Bakit parang bumigat ’ata ’to?” saad ni Christian patungkol sa buhat-buhat na bangkay.

“Siguro ay tumigas na ang kanyang mga dugo kaya gano’n,” sagot naman ni JP.

Gusto ko silang pigilan sa huling pagkakataon. Gumagana na naman kasi ang girl’s instinct ko. Pakiramdam ko ay mas magiging malala ang lahat sa gagawin nila. Hindi ko na maipaliwanag ang mabilis na pagkabog ng dibdib ko.

“Huwag!” pigil ko sa kanila nang ihahagis na sana nila ang bangkay sa bangin. “May masama na naman akong kutob.”

“Ano na naman ba iyon? Dahil ba bilog ang buwan? Isantabi mo muna ’yang mga paniniwala mo. Ang mahalaga ngayon ay maitapon na natin ito,” saad ni Christian.

Ganoon na naman ang nangyari, wala na naman akong nagawa para pigilan sila. Naiinis ako sa sarili ko dahil laging hanggang salita lang ako. Kulang lagi sa gawa. Lagi na lang nasa likuran at pinapakinggan ang sasabihin nila.

“Pagkasabi ko ng tatlo, sabay-sabay na nating ihagis, ah. Isa,” paunang bilang ni Anthony.

Gusto ko ng tumayo sa aking kinauupuan. Gusto kong iligtas ang bangkay mula sa bangin na maaari niyang kabagsakan. Binuksan ko ang pintuan ng sasakyan at lumabas.

“Dalawa…”

Maaabutan ko pa sila. Ngayon ay maninidigan na ako sa paniniwala ko. Hindi ko na gustong maulit pa ang nangyari kanina. Ang kutob ay mananatiling kutob lang hangga’t wala pang nangyayari. Pero maninindigan ako sa pinaniniwalaan ko, tulad nga ng sabi ko, wala namang mawawala kung hindi susundin.

“Tatlo…” Sabay-sabay nilang inihagis sa bangin ang katawan ng matanda bago ko pa man mahawakan. Pero nawalan ako ng balance nang malapit na ako. Sinubukan kong kapitan ang isa sa kanila para makaligtas mula sa pagkakahulog.

“Raccchhheeellll!” tawag nila sa akin.

Doon ko lang napansin na papalayo na pala ako sa kanila. Nakita ko pa ang mga kamay nilang nakaunat para tulungan ako pero huli na ang lahat, nagpagulong-gulong na ako sa bangin. Ito siguro ang kutob na hindi ko maipaliwanag dahil kamatayan na pala ang naghihintay sa akin.

Tumama ang ulo ko sa mga bato dahilan upang maramdaman kong umaagos ang sariwa kong dugo sa buo kong katawan. Ilang minuto na rin siguro ako nagpapagulong-gulong. Pagod na ang buo kong katawan sa bawat paghampas nito sa mga kahoy at matitigas na bato.

Unti-unti na ring nanlalabo ang paningin ko. Ito na siguro ang katapusan ng lahat. Wala na akong naririnig maliban sa walang katapusang katahimikan. Dahan-dahan kong ipinikit ang mga mata ko at ninamnam ang huling sandali na makitang tumama ang liwanag ng buwan sa mukha ko.

“Hindi pa rito tapos ang lahat,” huling saad ko.

KABANATA II: Ang Misteryo

KABANATA II: Ang Misteryo

            "What the fuck?!" bulalas ni JP habang tinitingnan ang bangin na kinabagsakan ni Rachel. Sariwa pa sa memorya niya kung paano nagpagulong-gulong pailalim ang kaibigan. P-Patay na kaya si Rachel?" tanong niya na halos bato na sa kanyang kinatatayuan. Nanginginig ang buo niyang kalamnan sa labis na takot. "R-Rachel..."

            Kita sa mga mata ng bawat isa ang gulat at takot. Hindi man lang mabanaag sa kanilang mga mata ang awa sa sinapit ni Rachel. Walang gustong kumilos upang lakas-loob na tingnan ang kalagayan ng kaibigan.

            "Seryosong tanong ba 'yan, JP?! Ha?! Niloloko mo ba ang sarili mo?! Sa taas nito, sino sa tingin mo ang mabubuhay pa?! Katapusan na natin!" galit na bulalas ni Anthony at saka napasipa sa gulong ng sasakyan.

            Napailing si Carla sa ideya. "Katapusan? Hindi ako papayag na siya lang ang sisira sa buhay ko. Marami pa akong pangarap sa buhay. Hindi ko kasalanang nagpakabayani siya at ginamit ang katangahan niya para lang sagipin ang patay na matandang 'yun," mariing sagot ni Carla kahit banaag sa kanyang mukha ang matinding kaba.

            "Tatawag na ako ng pulis. I can't take this anymore," singit naman ni Pamela at mabilis na d-in-ial ang numero ng pulis sa kanyang cellphone.

            "Gaga ka ba? Nag-iisip ka ba?! Makukulong tayo! Dalawang tao ang makikita nilang patay!" singhal ni Carla sa kaibigan. "At sa tingin mo, kanino nila isisisi ang lahat ng ito? Ilang buwan na lang, ga-graduate na tayo! Hindi p'wedeng ito lang ang pipigil sa hinandang kinabukasan sa akin ng mga magulang ko!"

            "What do you want me to do?! Hindi maaatim ng sikmura ko ang magsinungaling! Alam kong gusto mong tumakas pero paano?! Sabihin mo nga. Ayokong bangungutin gabi-gabi dahil sa maling ginawa ko," singhal pabalik ni Pamela.

            Bakas sa mukha ni Carla ang galit – sa sarili at kay Rachel. Hindi niya mapapatawad ang sinuman na sisira sa kanyang kinabukasan. Hindi rito matatapos ang kanyang buhay.

            "Bahala kayo sa buhay niyo," ani Carla at padabog na bumalik sa loob ng sasakyan. Labag man sa loob niya ay minabuti na lamang niyang manahimik. 

            Nanatiling tahimik ang grupo sa ilalim ng buwan. Walang gustong umimik. Tanging malalalim na paghinga lang ang maririnig na animo'y may kung anong bigat sa dibdib na dinadala at ang mahihinang salmo sa hangin ni Anthony na humihingi ng kapatawaran sa nagawa.

            Wala pang isang oras ay dumating agad ang sasakyan ng mga pulis. Tatlo silang sakay ng sasakyan na dali-daling lumapit sa grupo.

            " Tumawag na kami ng tulong para sa paghahanap. Gusto ko na lang anyayahan muna kayo sa istasyon ng pulis upang hingian ng statement sa nangyari. Kami na ang bahala sa paghahanap sa nawawalang kaibigan niyo," saad ng pulis na mabilis na sinang-ayunan ng magkakaibigan.

            "Hindi ko binanggit ang tungkol sa matanda," bulong ni Pamela sa mga kaibigan bago sumakay ng sasakyan. "Sana lang ay mauna nilang mahanap ang katawan ni Rachel."

            Lumunok lang ng laway ang magkakaibigan bilang tugon. Ipinalangin na lang nila sa hangin na hindi pa patay si Rachel.

            Ilang saglit lang ay nasa istasyon na sila ng pulis. Mangilan-ngilan na lang ang naka-duty na mga pulis nang mga sandaling iyon. Unang beses pa lang nilang makakapasok dito na hindi naman sana magtagal pa.

            "Iligtas niyo na ang mga sarili niyo dahil walang gagawa no'n para sa inyo," ani Carla na mabilis na naglakad at saka naupo sa harap ng pulis.

            Isa-isang kinausap ng pulis ang magkakaibigan tungkol sa nangyari. Naging maingat sila sa kanilang bawat sagot. Alam nilang sa oras na mag-iba ang kanilang mga statement ay malaking posibilidad na ituro sa kanila ang pagkamatay ng kaibigan at ng matanda. 

            Umiiyak na bumalik si Anthony sa grupo na siyang huling kinausap ng pulis. Mugto na ang naniningkit niyang mga mata.

            "Hindi mo kasalanan ang nangyari. Aksidente lang 'yun," pag-aalo ni Pamela sa kaibigan.

            Patuloy lang sa  pag-iyak si Anthony na tila isang batang humihingi ng saklolo. Nang hawakan siya ni Pamela, nanginginig ang buong katawan nito. Kahit natatakot, alam niyang hindi matutumbasan ng nararamdaman niya ang nasa saloobin ngayon ni Anthony.

            "Hindi dapat 'to mangyayari kung nakinig lang tayo kay Rachel," pagsisisi naman ni Christian sa sarili.

            Bahagyang natawa si Carla. "Talagang pinagtatanggol niyo pa siya, ah? Siya ang nagdala sa atin dito. Malas ang tawag sa kanya," galit na sabi ni Carla.

            Isang malakas na sampal ang dumagundong sa buong istasyon ng pulis. Naging maingay ang tahimik na gabi sa mainit na eksena. Natigilan naman sa kanya-kanya nilang ginagawa ang mangilan-ngilang pulis na naroroon nang marinig iyon.

            "Isa pang ulit, Carla. Isa pa..." nanginginig na sabi ni JP sa galit. Hindi nila mawari kung gaano kalakas ang ginawa nitong sampal para  gumawa ng pagtitinginang eksena. Pero batid nila na umakyat na rin sa ulo ang galit ni Carla.

            "How dare you?!" sigaw ni Carla sa kaibigan. Nang makitang nakatingin na sa kanila ang mga pulis, huminga siya nang malalim at hindi na itinuloy ang argumento. "Uuwi na ako. Bahala na kayo sa mga buhay niyo," aniya at saka tumayo na hinayaan lang ng mga kaibigan.

            Sa sandaling iyon, sakto rin ang dating ng mga pulis na kanina ay naghahanap sa katawan ng nawawala nilang kaibigan.

            Halos manginig ang kanilang mga katawan nang makita ang katabing babae ng mga pulis. Buhay si Rachel! Gulat ang mga mata nilang nakatitig doon. Walang mababakas na mga sugat sa katawan ng kaibigan maliban na lang sa marumi nitong mga kamay at paa. Maging ang damit nitong suot ay marumi na rin na tila pinaglumaan na ng panahon.

            "B-Buhay ka..." bulalas ni Christian at saka tumayo.

            Kahit gulong-gulo ang mga isipan, isa-isa silang lumapit kay Rachel at niyakap ito maliban kay Carla na hindi pa rin makapaniwala sa nakikita.

            "Nakita namin siya sa bangin na tahimik na nakaupo, walang suot na sapatos at marumi ang mga kamay. Kanina pa siya hindi nagsasalita kahit ano'ng gawin naming pakikipag-usap. Baka sakaling magsalita kung kayo ang kakausap sa kanya," ani pulis na siyang katabi ni Rachel.

            Hinawakan sa mukha ni Pamela ang kaibigan na may kasabikan. "Okay ka lang ba? Wala bang masakit sa 'yo, ha? Gusto mo bang dalhin ka namin sa ospital?" 

            Hindi sumagot si Rachel. Wala itong imik. Nakatingin lang ito sa kawalan na tila may ibang umaagaw ng kanyang atensyon. Animo'y hindi nito batid ang mga taong nakapaligid sa kanya.

            Iiling-iling lang si Carla sa isang tabi, inaalisa kung paanong nagawang mabuhay ng kanyang kaibigan sa kabila ng nangyari rito. "Imposible," sambit niya sa hangin.

KABANATA III: Ang Unang Pamahiin

KABANATA III: Ang Unang Pamahiin

            "Nakausap mo na ba si Rachel? Hindi naman kasi siya nagre-reply sa mga message ko sa kanya kahit na anong gawin kong tadtad," ani JP habang kausap sa telepono si Pamela, nakatukod ang kalaiwang braso sa barandilya.

            Kasalukuyan siyang nasa terasa ng kanilang bahay, tinatanaw ang labas na sinakop na ng kadiliman. Tahimik sa kanilang lugar ngayong gabi. Ni walang mga bata ang nasa labas para maglaro ng tagu-taguan. Hindi usual na pagkakataon para sa kanya.

            "Sinubukan ko ngang puntahan sa kwarto niya pero magdamag na nakakulong. Ni hindi ko pa nga nakitang kumain iyon. Nag-aalala na talaga ako. Ibang-iba na ang kinilos niya matapos nating bumalik. Ayoko mag-isip masyado pero natatakot ako minsan. Naririnig ko kasi siyang tumatawa sa gitna ng gabi. Hindi ko naman magawang silipin para tingnan kung ano'ng ginagawa," sagot naman ni Pamela at saka nagpakawala ng malalim na buntong-hininga dala ng dismaya.

            Napatango na lang si JP sa sagot ni Pamela. "Wala ba kayong ibang kasama d'yan ngayon sa dorm para kung sakaling may tumingin na iba kay Rachel?" tanong niya.

            "Wala, e. Nagsiuwian na rin kasi ang mga kasama namin sa mga probinsya nila kaya kami na lang ang naiwan dito," muling sagot nito.

            "Sige. Balitaan mo na lang ako kung may progress na sa kondisyon ni Rachel. Mag-ingat kayo d'yan," saad ni JP.

            "Maraming salamat. Mag-iingat ka rin," maikling sagot naman ni Pamela sa kabilang linya.

            Matapos ang maikling kumustahan ay ibinaba na niya ang kanyang cellphone. Binalik niya ang atensyon sa tahimik na paligid. Malamig ang simoy ng hangin na nanunuot hanggang sa kanyang kalamnan.

            "Parang hindi summer ngayon, ah," pabulong niyang sabi sa sarili habang kinukuskos ng magkabilang kamay ang balikat. Marahil ay dahil sa suot niyang sando at shorts kaya gano'n na lamang ang reaksyon ng kanyang katawan.

            Mayamaya lang ay nakarinig siya ng mahihinang kaluskos sa katapat na bahay. Mula sa mahinang tanglaw ng liwanag mula sa poste, sa paanan nito ay isang aso na may kung anong hinuhukay.

            Pinagmasdan niya iyon nang ilang sandali hanggang sa tumigil ito at umalulong nang malakas na tila may nakitang tao. Naging sunod-sunod ang pag-ulong nito hanggang sa gitna ng kadiliman, isang babaeng nakasuot ng puti ang lumabas.

            Naningkit ang mga mata ni JP upang aninagin ang babaeng lumitaw. Nakasuot ito ng puting bestida na hanggang tuhod. Wala itong suot na sapin sa paa habang ang mahabang buhok na hanggang baywang ay tumatakip sa mukha nito.

            Ang kaninang alulong ng aso ay napalitan ng mga tahol. Nagngangatngat ang mga ngipin nito dahil na siguro sa babaeng papalapit.

            Marahan ang lapit ng babae sa aso na siya rin namang dahilan upang maging sunod-sunod ang mga kahol ng aso.

            Tahimik lang si JP na tinatanaw ang dalawa, inaabangan ang mga susunod na mangyayari.

            "Sino ba 'yun?" bulong niya sa hangin.

            Ilang saglit ang nakalipas ay parang naging maamong tuta ang kanina'y galit na aso. Mabilis itong tumakbo palayo sa babae nang makarating ito sa pwesto niya.

            Nagtatakang tiningnan lang ni JP ang babae mula sa kanilang terasa. Napansin niyang bigla itong lumuhod at muling binungkal ang kaninang hukay na pinagkakaabalahan ng aso.

            Hindi pa man ganoong kalalim ang hinuhukay nito ay isang katawan ang nahila nito mula roon. Nanlalaki matang napaatras si JP sa takot. Hindi siya makagalaw sa kanyang pwesto dahil sa sobrang kaba. Nanlalamig ang kanyang mga kamay na halos hindi niya maigalaw.

            "I-Imposible... Hindi ito maaari..." nauutal niyang sabi.

            Mula sa paanan ng poste, nakatingin sa terasa ang nakaputing babae habang bitbit mula sa kanang kamay ang isang katawan ng lalaki.

            "P-Paano...," nahihintakutang turan ni JP.

            Kilala niya kung sino ang nagmamay-ari ng katawang iyon. Hindi siya pwedeng magkamali. Mula sa suot nitong damit, hindi niya maitatanggi na kilala niya ang taong iyon.

            "K-Katawan ko 'yun..." kinakabahan niyang sambit.

            Naibagsak niya ang hawak na cellphone sa sahig. Sa pagkakataong iyon, naibalik niya ang kanyang ulirat. Mabilis niya iyong dinampot at agad na dinayal ang numerong unang nakarehistro sa call logs.

            "T-Tulungan mo ako..." naiiyak na niyang sabi dahil sa takot. Hindi na niya maipaliwang ang takot na nadarama. Ramdam niya ang mabibilis na kabog ng dibdib na tila may nagkakarerang kabayo.

            "Hoy! Ano bang nangyayari sa 'yo?!" wika ng taong nasa kabilang linya.

            "T-Tulungan mo ako..." mahihinang sambit niya habang lumuluha. Pinagmasdan niyang muli ang kanilang kalsada. Wala na roon ang babae at ang kanyang katawan na hawak nito.

            "Puta! Ano ba, JP? Umayos ka nga! Kinakabahan ako sa 'yo. Ano bang nangyayari?!" galit na sambit sa kabilang linya.

            Ilang saglit lang ay nakaramdam siya ng malamig sa kanyang balikat. Kusang nagtaasan ang kanyang mga balahibo dahil sa hilakbot. Marahan niyang nilingon ang pinanggagalingan ng lamig. 

            Natagpuan na lamang ng kanyang mga mata ang isang babae na wala pang isang dipa ang layo sa kanyang katawan. Nakayuko ito at natatakpan ang mukha ng magugulong buhok.

            Gusto niyang sumigaw dahil sa takot pero hindi niya magawa. Tila inagawan siya ng boses dahil sa niyerbos.

            Mayamaya lang ay nakarinig siya ng mahihinang hagikhik mula rito na tila nang-iinsulto. Napaluhod na siya at tila naging estatwa sa kasalukuyang posisyon.

            "Maawa ka..." paghingi niya ng pagsusumamo.

            Lalong lumakas ang mga hagikhik nito at kumilos na parang baliw. Nagtatatalon ito sa harap ni JP na parang bata.

            "Ano bang kailangan mo?" matapang na tanong ni JP.

            Imbes na sagutin ay tanong rin ang ibinigay nito kay JP. "Naniniwala ka ba sa pamahiin?"

            Napakunot na lang ng noo si JP.

            "Ang sabi ko, naniniwala ka ba sa pamahiin?!" biglang sigaw nito nang hindi sumagot si JP. Tila galing sa ilalim ng lupa ang boses nito. Nakakakilabot.

            Sa sandaling iyon ay naglakas-loob na tumayo si JP upang tumungo palabas ng bahay. Dahil sa pagmamadali ay hindi na niya nagawang mabalanse ang sarili at nadulas padausdos paibaba ng hagdan.

            Tila bolang nagpagulong-gulong ang kanyang katawan paibaba, pahampas sa bawat baitang ng hagdan. Ramdam niya ang bawat kirot ng kanyang mga buto. Halos hindi niya magalaw ang kanyang katawan. Hindi niya mawari kung saang parte ng kanyang katawan ang lubos na napuruhan.

            "Aaahhh..." mahihinang usal niya habang umiikot ang paningin dahil na rin sa hilo.

            Nakarinig siya ng mahihinang yabag ng mga paa mula sa hagdan papalapit sa kanya.

            "Lumayo ka... Lumayo ka...." pagsusumamo niya sa kabila ng kirot na nararamdaman.

            Kinuha nito ang bali niyang mga kamay at saka hinigit pataas.

            "Aaaaaahhhh!" sigaw niya dahil sa sakit.

            Hinila nito ang kanyang katawan hanggang sa pinto, saktong ang ulo ay nakausli palabas.

            "Ano'ng gagawin mo?" marahan niyang tanong.

            Walang anu-ano'y malakas nitong sinara ang pinto. Kitang-kita ang nagdurugong ulo ni JP dahil sa pwersang dulot no'n. Kalahati ng kanyang ulo ay nahahati sa labas at loob ng bahay. 

            "Aaaaaahhh!" muli niyang sigaw dahil sa matinding kirot.

            Pinagpatuloy ng babae ang pagbukas-sara ng pinto hanggang sa mabugbog ang ulo ni JP sa bawat hampas sa kanya ng pinto. Kita ang mga namamagang pisngi nito habang umaagos ang mga sariwang dugo nito mula sa kanyang mata na halos lumuwa na.

            Naninilim na ang kanyang buong paningin. Tanging naririnig niya lang ay ang pagngitngit ng pinto at ang mahihinang hagikhik ng babae.

            "Tama na..." sumamo niya hanggang sa halos madurog na ang kanyang bungo. Umagos ang maraming sariwa dugo sa kanyang katawan na halos ikatuwa ng babae.

            "Hindi ka kasi naniwala sa pamahiin," sambit ng babae hanggang sa panawan na ng ulirat si JP.

            "Ayon sa sabi-sabi ng matatanda, kailangang sawayin ang mga asong naghuhukay ng lupa  o umaalulong dahil tiyak na mayroong mamamatay."

Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.