Piglet (Self-Published)
vincentmanrique · 3 chapters · 2,154 words
Piglet
Paano ka magmamahal nang totoo sa isang tao, kung sa isang inosenteng hayop nga ay ’di mo kayang magpakatao?
One
“O, BABS! UUWI KA NA BA?”
Nilingon ni Emil ang tumawag sa kanya. Sanay na siyang makarinig ng mga kaklase niyang tinatawag siyang Babs imbes na tawagin siya sa kanyang pangalan.
Babs. Short for baboy. Mataba kasi siya.
Hindi , tanggi ng kanyang isip. Hindi naman siya mataba. Chubby lang. Iba ang
mataba
sa
chubby , argumento pa rin ng utak ni Emil.
Nung una ay nao-offend pa si Emil kapag tinatawag siyang Babs. Second year college siya nang umpisahan siyang tawaging Babs ng kanyang mga kaklase. Nang magtagal ay nakasanayan na niya. Ngayong third year college na siya, mas iniisip na lang niyang term of endearment iyon sa kanya ng kanyang mga kaklase kesa pang-iinsulto.
“Oo, uuwi na ako. May gagawin pa ako sa bahay, eh.” Tumango pa si Emil bago muling humakbang papalayo sa kaklase.
“Okay, ingat!” pahabol na sabi ng kaklase ni Emil.
Sumakay si Emil sa unang jeep na dumaan. Saktong pagsakay niya nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Mabuti na lang at nakasakay na siya. Kung nagkataon, mahihirapan na siyang makasakay at baka gabihin na siya sa pag-uwi.
Medyo mahaba rin ang naging biyahe ni Emil. Mas nakadagdag pa sa haba ng biyahe ang trapik na epekto ng biglang pag-ulan. Pero nang bumaba siya sa jeep ay malakas pa rin ang buhos ng ulan kaya minabuti niyang sumilong muna sa waiting shed na kung saan doon din siya naghihintay ng jeep sa tuwing papasok siya sa eskwelahan tuwing umaga.
Alas-siyete na ng gabi. Mas madilim ang kapaligiran dahil sa masungit na panahon. Wala namang bagyo pero ang buhos ng ulan ay tila nagbabanta ng isang paparating na bagyo.
Hindi pa natatagalan si Emil sa pagkakatayo sa isang bahagi ng waiting shed nang masulyapan niya ang isang tuta na basang-basa at nanginginig na sa lamig sa isang bahagi ng kalsada.
Agad na umiral kay Emil ang likas nitong pagkamaawain sa mga hayop. Walang pagdadalawang-isip na tinakbo nito ang tuta at dinampot para isilong sa waiting shed. Nang ibinaba niya ang tuta ay bahagyang ipinagpag nito ang mga tenga at buntot upang mabawasan ang tubig na bumasa na sa balahibo nito. Bagama’t nabawasan ang tubig sa katawan ng tuta ay hindi naman nabawasan ang panginginig ng katawan nito. Giniginaw nang husto ang kawawang tuta.
Binuksan ni Emil ang kanyang bag at kinuha ang kanyang face towel na ginagawa niyang pamunas ng pawis. Sadya siyang nagdadala ng face towel araw-araw dahil madali siyang pagpawisan at hindi sapat na pang-alis ng pawis ang panyo lang.
Pinunasan ni Emil ang tuta para matuyo ang balahibo nito. Siniguro niyang mababawasan ang ginaw na nararamdaman ng hayop.
Napagmasdan ni Emil ang malamlam na mata ng tuta. Tila may namumuong luha dito. Nakadamang muli ng awa si Emil sa munting aso. Kanino kaya ang tutang ito? Bakit pinabayaang nakakalat sa kalye gayong napakalakas ng ulan? Hindi man lang pinagkaabalahang hanapin!
Nang medyo tumila ang ulan ay nagpasya nang maglakad pauwi si Emil. Nakakailang hakbang na siya nang mapansin niyang nakasunod pala sa kanya ang tuta.
“Gusto mong sumama sa akin?” tila batang nakaiintindi na kinausap ni Emil ang tuta. “Saan ka ba kasi nakatira? Sino ang may-ari sa’yo?”
Umungot-ungot lang ang tuta.
“Sige, isasama kita. Para sure ako na safe ka. Pero ’pag hinanap ka na ng totoong nagmamay-ari sa’yo, isosoli na kita sa kanya, ha?”
Tumahol ang tuta. Tila naiintindihan nito ang sinasabi ni Emil.
Dinampot ni Emil ang munting aso at muling naglakad pauwi sa kanilang bahay.
Pagdating ng bahay ay inilapag ni Emil sa sahig ang tuta. Agad itong tumakbo at nag-ikot sa loob ng bahay. Si Emil naman ay dumiretso sa kanyang kuwarto at nagpalit ng damit.
Pagkatapos magbihis ay lumabas ng silid si Emil at hinanap niya ang tuta. Natagpuan niya itong payapang nakahiga sa isang sulok. Nilapitan ni Emil ang tuta at umupo sa harap nito.
“Ano kayang itatawag ko sa’yo?”
Walang reaksyon ang tuta.
Pinagmasdan itong mabuti ni Emil. Pinaghalong puti at kulay kayumanggi ang balahibo nito na mas tumingkad ang kulay pagdating sa bandang tenga. Sa parteng mukha ay may mga itim na balahibong pumalibot sa pisngi hanggang sa parteng bibig nito. Mataba ang tuta. Hindi. Chubby lang ito, parang siya.
“Babs kaya ang itawag ko sa’yo?”
Bahagyang umungol ang tuta.
Natawa si Emil. “Ayaw mo? Eh, chubby ka kasi. Mas mukha kang biik kesa tuta.”
Kumawag-kawag ang buntot ng munting aso.
“Aba, parang natuwa ka pa na mukha kang biik.” Biglang may naisip na ideya si Emil. “Sige, alam ko na kung anong ipapangalan ko sa’yo. Mula ngayon, ikaw na si Piglet.” Hinaplos-haplos pa ni Emil ang ulo ng tuta.
Kumahol ang tuta, dalawang beses.
“Nagugutom ka ba, Piglet? Teka, titingnan ko kung ano ang pwede mong kainin dito. Mag-isa lang kasi ako dito. Si daddy, sa ibang bansa nagtatrabaho. Si mommy naman, umuwi ng probinsiya para dalawin ang lola ko. Matatagalan ’yun dun kasi maysakit daw ang lola ko. Kaya aalagaan muna ng mommy ko.” Nagkalkal ng laman ng ref si Emil. Inilabas niya ang pork steak na natirang ulam niya kagabi. Dinala niya ang ulam sa kusina at bahagyang ininit ito. Pagkatapos ay inilagay sa isang maliit na plastic bowl at ibinigay sa tuta.
“Eto, kumain ka muna.”
Inamoy-amoy ni Piglet ang ulam. Tapos ay dinilaan, tila tinatantiya kung kaya niya ang init ng ulam na nakahain sa harap niya.
Nang masigurong hindi siya mapapaso ay nagsimula na itong kainin ang pork steak habang si Emil naman ay aliw na aliw sa panonood.
Noon biglang nag-ring ang celfone ni Emil. Tumatawag si Ashley, girlfriend niya. Itinuturing niyang blessing ang pagkakaroon ng girlfriend na katulad ni Ashley. Bakit hindi? Campus queen si Ashley. Andaming lalaki sa campus ang sumubok na manligaw rito. Iyong iba, mga sikat na pigura rin sa school. May varsity player. ’Yun ding president ng student council. Iyong iba naman, anak ng mga taong may sinasabi sa buhay. Pero siya ang sinagot ni Ashley. Ang saya-saya ni Emil. Sino ang hindi matutuwa gayong girlfriend na niya ang campus queen na mahal na mahal niya. Inggit lang sa kanya ng ibang mga naging karibal niya.
Sabagay, hindi rin naman lugi sa kanya si Ashley. Matalino siya at seryoso sa pag-aaral. Consistent dean’s lister nga siya mula first year.
“Hello, babe?” malambing na bati ni Emil.
“Asan ka?” Halata ang pagkairita sa boses ni Ashley. “Umuwi ka nang hindi man lang ibinibigay sa akin ang project ko sa Literature. Alam mo namang bukas na ang submission nun!”
“Sorry na, babe. Hindi ko pa kasi nagagawa. Kaya nga ako umuwi kaagad para magawa ko ’yun kasi alam ko ngang bukas mo na kailangan.”
“Alam mo naman pala, eh. Ba’t ’di mo ginawa kaagad? Hinihintay mo pa ang deadline.”
“Sorry na nga, babe. Gagawin ko naman, eh. Tatapusin ko tonight tapos i-email ko na lang sa’yo. I-print mo na lang para mai-submit mo bukas.”
“Kung ginawa mo kasi nang maaga eh ’di hindi na sana ako magpri-print. Isa-submit ko na lang sana. Paano na lang kung wala kaming printer? Eh ’di maghahanap pa ako ng computer shop para magpa-print?”
“Sorry na… Huwag ka nang magalit.”
“Bwisit!” Pinutol na ni Ashley ang pag-uusap nila ni Emil.
Two
Nag-send ng text message si Emil kay Ashley.
Sorry, gagawin ko na.
Sinulyapan ni Emil si Piglet na abala pa rin sa pagkain. Pagkatapos ay muling pumasok ang binata sa kanyang silid at binuksan ang kanyang laptop at nagsimulang gawin ang project ni Ashley.
Hindi naman nagtagal at natapos ito ni Emil. In-email niya ito kay Ashley para mai-print na ng dalaga. Sinubukan niyang tawagan si Ashley para ipaalam dito na nai-email na niya ang file pero walang sumagot sa tawag niya bagama’t nagri-ring naman ang celfone nito. Nag-text na lang siya sa dalaga para malaman nito na tapos na ang project na ikinagagalit nito kanina lang.
Lumabas ng kuwarto si Emil para silipin si Piglet. Nakita niyang tulog na ito sa mismong lugar kung saan ito kumain kanina.
Nagpasya si Emil na maligo na muna upang makatulog na rin. Hindi na siya maghahapunan. Anyway, kumain naman siya sa school bago siya umuwi.
Maagang nagising si Emil kinabukasan. Nagulat pa siya nang paggising niya ay nasa ibaba na ng kama niya si Piglet na tila matiyagang naghihintay na magising siya.
“Gutom ka na ba, Piglet?” masayang tanong ni Emil sa tuta.
Kumahol si Piglet sabay ang pagkawag ng buntot nito.
“Teka, maghahanap lang ako sa ref ng makakain mo.”
Lumabas ng silid si Emil at humanap ng makakain sa ref. Kailangan palang bumili siya ng dog food mamaya bago umuwi para may maiiwan siyang pagkain ni Piglet habang nasa eskuwela siya.
Nagprito si Emil ng pork chop at nagsaing. Mamayang tanghali pa ang klase niya kaya may oras pa para magluto. Si Piglet naman ay palakad-lakad lang sa loob ng bungalow type na bahay.
Nang maluto ang kanin at ulam ay inuna na ni Emil na pakainin si Piglet. At saka siya kumuha ng kakainin niya.
Kumakain pa si Emil nang biglang tumunog ang doorbell. Agad siyang tumayo para tingnan kung sino ang dumating. Wala naman siyang inaasahang bisitang darating.
Nagulat pa si Emil nang makita sa labas ng gate si Ashley. Binuksan ni Emil ang gate.
“O, ba’t napasugod ka? In-email ko na kagabi ’yung project mo. Napa-print mo na ba?”
Tuloy-tuloy na pumasok sa loob ng bahay si Ashley at doon ito biglang nagtatalak. “Nananadya ka ba!?”
“Ha?” Nagtataka si Emil. Hindi niya maintindihan kung ano na naman ang ikinagagalit ni Ashley. “Nananadya saan?”
“Hindi ba sabi ko sa’yo ngayon ang submission ng project ko sa literature. Bakit ’yung project ko sa english ang ginawa mo kagabi eh, next week pa ang submission nun!? Ano’ng isa-submit ko mamaya sa literature class ko? Gusto mo bang bumagsak ako sa subject na ’yun?”
Natampal ni Emil ang sariling noo. Buong akala niya’y ’yung english project ang due for submission today. Ano’t nakalimutan niya ang ganun kaimportanteng bagay?
“Paano ngayon ’yan? Anong isa-submit ko?”
“Anong oras mo ba kailangan? Baka puwede pang gawin ngayon. Mabilisan.”
Si Piglet ay naglakad papalapit kay Ashley at dinilaan nito ang laylayan ng pantalon ng dalaga.
“Eeeww!!! What’s this puppy doing here? Kaninong tuta ito? Ang baho!” Isang tadyak ang ibinigay ni Ashley sa tuta pagkatapos ay sinipa pa niya ito. Tumilapon si Piglet sa lakas ng pagkakasipa ng dalaga.
“Ashley!!!” Gulat na gulat si Emil sa ginawa ng nobya. Hindi niya inaasahan na may tendency na maging ganun ka-bayolente ang babaing nauna na niyang hinangaan dahil sa likas nitong kagandahan. Katulad ba si Ashley ng iba na kung anong ganda ng mukha ay siya namang sama ng ugali?
Nilapitan ni Emil si Piglet na umuungot-ungot pa dahil sa nararamdamang sakit. Awang-awa ang binata sa alaga niyang tuta.
“Mas uunahin mo pa ang tutang ’yan kesa sa project ko! Akala ko may mapapala ako sa pakikipagrelasyon sa’yo, wala pala!”
“Anong sinabi mo?” Parang nainsulto si Emil sa sinabi ni Ashley. “Nakipagrelasyon ka lang sa akin dahil iniisip mong may mapapala ka?”
“At anong akala mo, nakipagrelasyon ako sa’yo dahil type kita?” nakataas ang kilay na tanong ni Ashley. “Over my dead sexy body! Anong magugustuhan ko sa’yo, taba mo? Pasalamat ka nga at ikaw ang sinagot ko sa dinami- dami ng mga macho at guwapong nanliligaw sa akin.”
“So, ginawa mo akong boyfriend para may tagagawa ka ng assignment at lahat ng school projects mo?”
“Oo, ngayon mo lang ba nahalata?” prangkang pag-amin ni Ashley.
Naningkit ang mga mata ni Emil sa pinaghalong galit at sama ng loob.
“Pero dahil wala ka naman palang silbi, break na tayo. Magsama na lang kayo ng mabahong tuta mo!” At nagmartsa si Ashley papalabas ng bahay. Naiwan si Emil na hawak-hawak pa rin si Piglet.
Tila may namumuong luha sa mga mata ni Emil na pinipigilan nitong dumaloy sa kanyang mga pisngi. Ngayon ay alam na niya kung bakit malambing lang sa kanya si Ashley kapag may kailangan ito. At tila hindi sila magkasintahan kapag nakuha na nito ang gusto. Kaya pala may mga pagkakataon na parang ang lamig-lamig ng pakikitungo ni Ashley sa kanya. Hindi naman pala talaga siya minahal nito.
Hinaplos ni Emil ang ulo ni Piglet. “Pasensya ka na, Piglet. Nasaktan ka tuloy.” Pinahid ni Emil ang namumuong luha sa kanyang mga mata. “Pero salamat, dahil sa’yo nakilala ko ang totoo niyang ugali.”
Tila may isip na isinubsob ni Piglet ang ulo niya sa dibdib ni Emil.
Muling hinaplos-haplos ng binata ang ulo ng tuta.
“Halika, ituloy na natin ang naputol nating pag-aalmusal.” Ibinaba ni Emil si Piglet sa tabi ng pagkain nito. Maganang kumain ang tuta. Tila wala na ang sakit na kanina lang ay iniinda pa nito.
Pinanood ni Emil si Piglet habang inuubos nito ang pagkain. Mula sa araw na ito, hindi na siya papayag na may mananakit pang muli kay Piglet.
Kahit sino…
—the end—

