loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Stuck (A Short BL Story)

Stuck (A Short BL Story)

jvxrodriguez · 5 chapters · 5,407 words

S

This is a short BL story.

This is a work of fiction. Unless otherwise indicated, all the names, characters, businesses, places, events and incidents in this book are either the product of the author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

All rights reserved. No part of this book may be reproduced or used in any manner without the prior written permission of the copyright owner, except for the use of brief quotations.

T

12:00 AM

Hatinggabi nang makauwi ako galing trabaho. Basang-basa ang aking katawan mula sa malakas na buhos ng ulan. Tumutulo ang tubig mula sa tiniklop kong payong nang pumasok ako sa 15-story condominium na aking tinutuluyan. Ginaw na ginaw.

May pagmamadali akong naglakad sa hallway papunta sa isang tila bukas na elevator. Halatang mahimbing ang tulog ng guwardiya sa reception desk dahil hindi ito nagising sa kabila ng lakas ng aking mga yabag. Nang makita kong pasara na ang elevator ay tumakbo na ako.

Kasasara lang ng elevator nang madatnan ko ito. Kaya may pagmamadali kong pinindot ang up button sa gilid. Isa. Dalawa. Tatlo. Tatlong magkakasunod na pindot. At sa wakas, muling bumukas ang elevator. Saka tumambad ang nag-iisang lalake na nakatayo sa loob nito.

Maputi. Matangkad. Matipuno. Katulad ko ay mga nasa bente singko din yata ang edad nito. Kasalukuyan itong nakasuot ng white long sleeve polo shirt, at naka-tuck-in ito sa kulay itim nitong pants na may kulay kapeng belt. Pormal at malinis ang datingan, lalo pa’t nakasuot din ito ng black shoes.

“Thank you po.” Yumuko ako bilang paumanhin nang pumasok ako sa loob ng elevator.

Hindi umimik ang lalake. Diretso lang ang tingin nito sa harapan, sa itaas kung saan naka-display ang floor kung saan kami nakahinto sa kasalukuyan—sa 1st floor. Walang emosyon ang mukha nito.

Sa loob ay pumuwesto ako sa kanang bahagi. Mas lalo akong nangatog sa lamig. Marahil ay dahil lang sa nakabukas na aircon na hindi ko alam kung saan banda nakakabit. Sa tapat ko ay mayroong elevator buttons at digital floor display sa pinaka-itaas. Kasalukuyang may ilaw ang 13th button. Malamang ay sa 13th floor nakatira ang lalake. Pinindot ko naman ang 10th button dahil sa ikasampung palapag ako nakatira.

Sumara na ang pinto ng elevator. At nagsimula na kaming umandar pataas.

2nd floor.

Wala akong ibang naririnig kundi ang ugong ng elevator.

3rd floor.

Tuloy pa rin sa pagpatak sa sahig ang tubig na nagmumula sa ’king nakatiklop na payong.

4th floor.

Mas lalong tumindi ang aking panginginig.

5th floor.

Tiningnan ko ang lalake.

6th floor.

Hindi pa rin niya inaalis ang kaniyang tingin sa digital floor display mula pa kanina.

7th floor.

Marahil tulad ko ay gustong-gusto na rin niyang makauwi. Malamig pa man din ang panahon. Masarap matulog.

8th floor.

Iniisip ko na ang mga sunod kong gagawin. ’Pag nakauwi ako sa condo unit ko ay agad talaga akong magbabanlaw. Pakiramdam ko kasi ay magkakasipon ako. Dapat kasi ay pinatila ko na muna ang ulan bago ako umalis ng office.

9th floor.

Isang palapag na lang sana at makakauwi na ako. Pero sa hindi inaasahan ay biglang kumurap-kurap ang ilaw sa ceiling ng elevator, at nakarinig ako ng isang malakas na kalabog. Agad akong napahawak sa handrail nang makaramdam ako ng pagyanig sa sahig. At nang mapagtanto kong may mali nang nangyayari ay biglang bumilis ang tibok ng aking puso.

“Oh, God!” bulalas ko habang niyayanig ang aking buong pagkatao. “What the—?”

Tila mas lalong lumakas ang pagyanig. At sa puntong ito ay napapadasal na ako sa loob-loob ko. Paulit-ulit. Pasidhi nang pasidhi. Palalim nang palalim. Ngayon na lang ulit ako nakapagdasal. Ang huling beses ay nang magsimba ako kasama ang aking mga magulang. Mga panahong buo pa kami. Mga panahong hindi pa sila naghiwalay. Mga panahong hindi pa ako lumayas ng bahay.

“Fuck!” hiyaw ko.

Ramdam kong umuntol ako mula sa ’king kinatatayuan. Hanggang sa matigil na ang pagyanig. At tuluyan nang namatay ang ilaw.

Dumilim ang paligid. Sobrang dilim wala akong makita sa loob. At sobrang tahimik wala akong ibang marinig kundi ang malakas na kalabog ng aking puso.

“H-Hello?” Umalingawngaw ang aking boses sa loob. “May tao ba diyan?”

Walang sumagot.

Nilakasan ko pa ang aking boses. “Hello?”

“It won’t help.” Nagulat ako nang marinig ko ang malalim na boses ng lalake. Sa sobrang tahimik niya mula pa kanina ay muntik ko nang makalimutang hindi nga pala ako nag-iisa sa loob.

Hinabol ko ang aking hininga. “H-Huh?”

Hindi ko matanggap ang aking narinig. Hindi puwede. Hindi puwede na makulong ako sa masikip na espasyong ito. Hindi ngayon na basang-basa ako. Hindi. Hindi!

“Tao po?” Kinalampag ko ang metal na dingding nang paulit-ulit. “May tao rito!”

“Stop it,” ang sabi ng lalake.

Pero hindi ko siya pinakinggan. “Tao po? Please! Help!”

“It’s soundproof,” saad niya. “I’m the only one who can hear you.”

Tumigil ako sa pagkalampag sa dingding. Pagkatapos ay kumapa-kapa ako sa ere habang walang makita. Marahan akong naglakad. Hanggang sa may makapa ako. Isang matigas na bagay. Pinisil-pisil ko ito. “Ano—?”

“That’s my dick,” seryoso naman niyang sagot.

Ito ang unang beses na nakahipo ako ng ibang tao, at ng kapwa ko pa talaga lalake.

Agad ko itong binitiwan. “S-Sorry! Sorry po!” Binago ko ang direksyon ng aking lakad. “Hinahanap ko lang ’yong pinto. Hindi sadya.”

“It’s okay,” tipid niyang sabi.

“Saan na ba ’yon?” bulong ko habang kumakapa pa rin sa ere nang may sabit na payong sa ’king braso. “Tulong!”

Maya-maya pa ay may muli akong nakapa. Isang matigas na bagay. Pero sigurado akong ito na ang metal na pinto ng elevator dahil nadama ko ang pagitan nito sa gitnang bahagi. Sinubukan ko itong buksan. Ngunit dumulas lang ang aking mga daliri. Mas lalong bumilis ang tibok ng aking puso. Hindi ko matanggap na nakulong ako sa loob ng elevator kasama ang isang estranghero.

Sumandal ako patalikod sa nakasarang pinto at suminghap. “Oh, no… Oh, no… Hindi puwede… Please… Tulong…”

“Relax,” ang sabi ng lalake na hula ko ay kaharap ko na ngayon.

Paano ako magre-relax? Mamatay na ako sa lamig. At wala pa akong maki—

Teka…

Agad kong binuksan at hinalungkay ang loob ng aking maliit na leather messenger bag. Hanggang sa makapa ko ang aking cellphone. Dali-dali ko itong hinugot at binuksan. At sa ’king dismaya, walang signal sa loob. At ang mas malala pa, meron na lang akong 1 percent battery level.

“Shit! No!” Tumayo ako at itinaas ang cellphone, ngunit wala pa rin akong masagap na signal. “Please! Gumana ka!”

Maya-maya pa ay bigla na lang itong namatay.

Nagdabog ako sa sahig gamit ang aking kanang paa. Saka sumigaw. “ Ugh !“

Sa minamalas-malas nga naman!

Marahil ay meron pang ibang paraan…

Alam kong meron pa…

Ah! ’Yong emergency button!

Isinilid ko sa bulsa ng aking maong na pants ang cellphone at saka muling kumapa sa paligid. Hanggang sa maramdaman ko sa ’king mga daliri ang bilog na buttons ng elevator. Nakahilera lamang ang mga ito sa iisang column. At nilakbay ko ang aking mga daliri pataas. Nang pataas. Hanggang sa marating ko na ang pinakataas na floor button. At nang itaas ko pa ang aking daliri ay may nadama akong nakahiwalay na button—hugis kampana ang ibabaw. Hula ko ay ito na ang emergency button. Agad ko itong pinindot nang paulit-ulit. Muli ay napasigaw ako. “Tulong! May na-trap po rito! Emergency! Emergency! Guard? Please!”

Nakarinig ako ng mahinang halikhik. “That won’t work. Can’t you see? There’s no electricity.”

Bakit ba ang kalmado nitong taong ’to? Sa ganitong sitwasyon? At bakit kaya hindi niya na lang ako tulungan?

Diniin ko ang aking daliri sa button at muling sumigaw. “Help!” ang sabi ko sa garalgal na boses.

Mapapaos na ako nito eh. Wala pa ring dumarating na tulong. Nag-brownout ba dahil sa malakas na ulan?

“No one’s coming to help,” aniya.

“Wala man lang bang generator dito?” Tuloy pa rin ako sa pagsinghap.

“There is,” saad niya. “But who knows if it’s working?”

“Imposible naman,” duda ko.

“This building is old. I’ve been here for a long time.” Nakarinig ako ng mahinang kaluskos mula sa kaniyang sapatos. “I know everything.”

Isang buwan pa lang ako rito. Tapos ganito na agad ang mararanasan ko. Ang saklap naman.

“Ano ba ’yan.” Napahalukipkip ako at nanginig dahil sa lamig. “Hindi puwede ’to.”

“Just accept it,” aniya.

“Ang alin?” taka ko.

“That you’re stuck here with me…” tuloy niya. “And I’m stuck here with you…”

Sa loob ng sirang elevator, madilim at maginaw. At mayroon akong kasama na hindi naman nakikita ng aking mga mata. Hindi ko alam kung hanggang kailan kami rito. Hindi ko rin alam kung makalalabas pa ba kami nang buhay. Basta’t ang tanging alam ko lang ay…

“We’re stuck.”

U

1:00 AM

Makalipas ang mahigit isang oras, tumigil na ako sa kasisigaw. Kahit anong ingay ang aking gawin, wala talagang tulong na dumarating. Nagsasayang lang ako ng laway. Wala pa man din akong baon na tubig. At wala rin akong baon na pagkain sa bag. Unti-unti ay tinanggap ko na ang aking kapalaran.

“Mamamatay na ’ko,” usal ko habang nangangatog sa lamig. Yumukyok ako habang nakahalukipkip. “Ayoko na.”

Alam mo ’yong pakiramdam na naligo ka sa isang maginaw na gabi, basa ang ulo, tapos paglabas mo ng banyo ay parang kayakap mo na si Kamatayan? May pagmamadali kang nagbihis pero habang ginagawa mo ito ay hindi mo mapigilang manginig? Na kahit nakabihis ka na ay pakiramdam mo wala nang bukas? Ito ang nararamdaman ko ngayon. At mas malala pa nga yata. Dahil basang-basa ang buo kong katawan at wala akong pampalit. Naging karayom na ang aking mga buhok. Namanhid na ang aking mga pisngi. Naging disyerto na ang aking mga labi. At hindi pa nakatulong ang matubig kong mga medyas.

“Stop saying that,” ang sabi ng lalake. “I hate that word.”

“Ang alin?” mahina kong tanong.

“Death,” sagot niya.

Ngumisi ako. “Ikaw kaya sa sitwasyon ko.”

“And you as well in my place,” tugon niya naman.

Nang-iinsulto yata siya. Palibhasa kasi ay hindi siya ’yong naabutan ng malakas na ulan. Palibhasa hindi siya ’yong muntik nang mapagsarhan ng elevator sa kalaliman ng gabi. Palibhasa hindi siya ’yong namatayan ng—

Nanlaki ang aking mga mata. “M-May cellphone ka ba? Puwedeng makigamit?”

Desperado na ako.

“No, I don’t have one,” seryoso niyang sabi. “I left it in our condo unit.”

“Hays.” Sinapo ko ang aking noo.

Tuloy niya, “And even if I have one, it will be of no use. You just checked earlier, right? There’s no signal inside.”

Bakit ba mas lalo niyang pinamumukha sa ’kin na wala na akong pag-asa na makalabas dito? At siya, wala ba siyang pakialam sa sarili niyang buhay? Akala ko ba ayaw niya sa salitang kamatayan?

“Mamamatay na tayo,” sabi ko.

“Ikaw lang,” sabi niya naman.

Bahagya akong natawa. “Nagsasalita ka naman pala ng Tagalog.”

“Course,” tipid niyang sambit.

Umupo na ako sa sahig, at naramdaman ko ang paglamig ng aking puwet. Muli ay sumandal ako patalikod sa nakasarang pinto ng elevator. Nilapag ko ang basang payong sa ’king kaliwa. At niyakap ko ang aking mga binti.

“Takot ka bang mamatay?” tanong ko sa kawalan.

“Nope, I never said that.” Nakarinig ako ng mahinang kaluskos. Pakiramdam ko ay umupo na rin siya sa sahig at sumandal din patalikod sa metal na dingding, nakaharap sa akin.

“Kakasabi mo lang kaya.” Suminghot ako dahil nagiging barado na ang aking ilong.

“I just said I hate the word,” aniya. “I am more afraid of one thing…”

“Multo?” hula ko.

Natawa siya. “Nope.”

“Ipis?” muli kong hula.

Lalong lumakas ang kaniyang tawa. “Course not.”

“Eh ano?” Kumunot ang namamanhid kong noo.

“I’m afraid of being forgotten,” seryoso niyang sagot. “That’s why I hate death. When you die, people forget you.”

Nagtaka ako sa sinabi niya. “Bakit, wala bang nagmamahal sa ’yo?”

Bumuntong-hininga siya. “How would I know? I never see them anymore.”

Bahagya akong nakaramdam ng kirot sa puso.

“Mag-isa ka lang ba?” usisa ko.

“Yup,” aniya sa malungkot na boses.

“Pareho lang pala tayo.” Yumuko ako. “Mag-isa lang din ako.”

Kahit papano ay unti-unti nang nababawasan ang bigat sa ’king dibdib ngayong may kausap na ako.

“And why are you alone?” tanong niya.

“Kasi ginusto ko.” Hinigpitan ko pa ang yakap sa ’king mga binti. “Kasi ayokong masaktan ulit.”

“So you pushed them away?”

“Oo.”

“But what about them?”

Marahan kong inangat ang aking mukha. Tumingin ako sa lalakeng hindi ko naman nakikita. “Huh?”

“Them. What about their feelings?”

Nasapol ako sa tanong niya. Matagal nang sumasagi sa ’king isipan ang tanong na ito, ngunit paulit-ulit kong hindi pinapansin. Paulit-ulit kong ipinaaalala sa ’king sarili na wala nang nagmamahal o nakakaalala sa ’kin.

“Ano naman sa kanila? ’Di ba ikaw na rin ang nagsabi, makakalimutan ka rin naman ng mga tao ’pag wala ka na?”

“Yes, but you’re still here. And they might still remember you. You’re still alive. But you made yourself dead to them. And that hurts more than anything.”

Tumikhim ako. “Eh bakit ikaw? Bakit ka mag-isa? Kinalimutan mo na rin ba sila?”

“No,” sambit niya. “They’re all dead.”

Natigilan ako sa sinabi niya. Hindi ko naman inakalang mas malala pa pala ang kaniyang sitwasyon. Kaya niya ba nasabi kanina na magpalitan na lang kami? Mas mabigat pa pala ang kaniyang pinagdaraanan.

“S-Sorry.” Muli akong yumuko. “Kung alam ko lang.”

“But I still remember them,” tuloy niya. “And I will continue to do so while I’m still here.”

Kinamot ko ang aking basang pantalon. Nagdalawang-isip muna ako bago magsalita. At nang handa na ay nagtanong ako. “Kung okay lang sa ’yo, pwede bang malaman kung—?”

“Kung paano sila namatay?” tumbok niya.

Tumango ako kahit hindi niya naman ako nakikita. “Oo.”

“Isang trahedya.” Palungkot nang palungkot ang kaniyang boses. “Lahat sila nasunog. At hindi ko sila nailigtas.”

Maya-maya pa ay nakarinig ako ng paghagulgol. Umalingawngaw ito sa kulob na loob ng elevator. At kahit sinong makaririnig nito ay tiyak na madudurog ang puso.

“Sorry.” Unti-unti ay naluluha na rin ang kanina’y tuyot kong mga mata. “Hindi ko na dapat tinanong sa ’yo.”

“It’s okay…” Suminghap siya. “I’m okay…”

“Sorry,” usal ko.

Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ayaw niya sa salitang kamatayan. Hindi madali ang kaniyang pinagdaraanan. At hindi ko alam kung paano maiibsan ang lungkot na kaniyang nararamdaman. Ang tanging alam ko lang ay binigyan niya ako ng pag-asa. Pag-asang balikan ang mga taong bigla ko na lang iniwan. Pag-asang humingi ng tawad sa kanila dahil hindi ko man lang naisip ang kanilang nararamdaman. Pag-asang mabuhay sa kabila ng aming kasalukuyang sitwasyon.

“I’m still here…” aniya. “You’re still here…”

Sa loob ng sirang elevator, madilim at maginaw. Mayroon akong kasama na hindi nakikita ng aking mga mata. Ngunit ngayon ay nakakausap ko na. Hindi ko alam kung hanggang kailan kami rito. Basta’t ang tanging alam ko lang ay…

“We’re still here.”

C

2:00 AM

Hindi ko na namalayan ang oras habang kausap ko ang lalakeng hindi ko naman nakikita. Kung saan-saan na napunta ang aming usapan na kanina lang ay nagsimula sa salitang kamatayan. Ang iyakan ay nauwi sa tawanan. Kulitan. Seryosohan. Sa sobrang distracted ay hindi ko na nga namalayang unti-unti na palang natutuyo ang aking buhok at suot na damit. Unti-unti ay nasasanay na rin ang aking katawan sa lamig. At unti-unti ay nagiging pamilyar na rin ako sa malalim at magaspang niyang boses.

“So you’re a virgin at twenty-five?” tanong niya.

“Oo,” may hiya kong sagot.

“How come?” taka niya.

Napakamot ako sa ulo. “Wala eh. Walang nagkakagusto sa ’kin.”

Tipid siyang natawa. “I don’t believe you.”

Kumunot ang aking noo. “Bakit hindi ka naniniwala? Wala ngang nagkakagusto sa ’kin. Una sa lahat, average lang ang mukha ko. Tapos hindi pa ako magaling makipag-usap. Kaya walang nagkakagusto sa ’kin.”

“Stop that,” aniya. “You’re too harsh on yourself.”

“Sus, pogi ka siguro, ’no?” taka ko.

Sana pala kanina ay tinitigan ko nang maigi ang kaniyang mukha bago ako pumasok dito sa loob ng elevator. Ngayon tuloy ay hindi ako matigil sa kaiisip kung anong itsura niya. Ngunit boses niya pa lang ay halata namang guwapo siya.

“Yeah, they say so,” sagot niya. “But what does it matter?”

Paliwanag ko, “Well, kung pogi ka, maraming magkakagusto sa ’yo, maraming magmamahal sa ’yo, maraming—”

“Marami rin bang makakaalala sa ’yo ’pag wala ka na?” Nakarinig ako ng kaluskos mula sa kaniyang sapatos. “I don’t think so.”

“Bakit hindi?” Sinuklay ko ang aking buhok pataas gamit ang aking mga daliri.

“Let me ask you something,” aniya. “Do you still remember all those attractive people you once met?”

“Um…” Sandali akong natigilan. Sinubukan kong alalahanin ang lahat ng naggagandahan at naggaguwapuhang tao na dumaan sa aking buhay. At sa hindi maipaliwanag ay iilan lamang ang natatandaan ko. “Oo naman. May natatandaan din naman ako. May mga naging kaibigan din akong katulad nila.”

“Exactly,” punto niya. “You only remember a few, because only a few matter to you. Those who were once your friends. Those people you made memories with. The others? Strangers. And strangers don’t have faces.”

“’Di ko gets,” sabi ko.

“In the end, only one thing matters…” tuloy niya. “Memories. Memories last forever. And right at this moment, you’re making memories with me.”

“Oo nga,” sabi ko. “Pero hindi ko nga alam ang mukha mo.”

“That’s what I’m saying,” tugon niya. “It doesn’t matter what you look like. It doesn’t matter what I look like. All that matters are the memories we’re making together. And we’re no longer strangers.”

Unti-unti ay naiintindihan ko na ang ibig niyang sabihin.

“Are you still cold?” tanong niya.

Sagot ko naman, “Medyo.”

“Do you want me to keep you warm?”

Natigilan ako sa tanong niya. “H-Huh?”

“I can keep you warm.” Nakarinig ako ng kaluskos mula sa kaniyang pants. Mukhang umusog siya papunta sa gilid. “Come here.”

“Okay na ’ko.” Sa sinabi niya palang ay uminit na ang aking mga pisngi.

“Is there something that I can do for you? Course I won’t take off my clothes. I’m also cold. But if there’s anything…”

“Kanta ka na lang,” nangingiti kong sabi.

“Seriously?”

“Oo.”

“O-Okay…”

Sandaling nanumbalik ang katahimikan sa loob. Mga ilang saglit pa nang magsimula na siyang umawit.

“Natapos na ang lahat…”

Sa lamig ng kaniyang boses ay parang nanumbalik ang ginaw sa ’king katawan. Hindi ako makagalaw.

“Nandito pa rin ako…”

Para akong dinadala sa kabilang mundo. Sa isang mundo na puno ng lumbay.

“Hetong nakatulala…

“Sa mundo, sa mundo…”

Gayunpaman, may nadama akong kaunting pagbabago sa ’kin. Nakaramdam ako ng apoy sa ’king puso—bagay na matagal ko nang inapula magmula nang itaboy ko ang mga taong malapit sa akin. At siya ang dahilan kung bakit ito nanumbalik.

“Hindi mo maiisip…

“Hindi mo makikita—”

Tumigil na siya sa pagkanta.

“O, bakit?” taka ko.

Humalikhik siya. “I forgot the lyrics.”

“Nge.” Humalikhik din ako.

“I really think you should come here.” Kinalampag niya ang sahig. “Come.”

Nagdalawang-isip muna ako. “Sure ka?”

“Yes,” sagot niya. “Come here. I’ll share my warmth with you.”

Sa huli ay nakumbinsi niya ako. Marahan akong gumapang sa malamig na sahig papunta sa kaniya. Naramdaman ko ang kaniyang mga binti at ito ang naging gabay ko para makarating sa kaniyang tabi. Nang makatabi ko na siya ay sumandal ako sa metal na dingding. Nahiya akong idikit ang aking katawan sa kaniya dahil baka pati siya ay madamay sa lamig.

“Dito na ’ko,” pahiwatig ko sa kaniya.

“Touch me.” Naramdaman ko ang malamig niyang hininga sa ’king leeg.

Lumunok naman ako. “Huh?”

“Touch me,” ulit niya. “I’m longing for someone’s touch.”

Nadama ko ang lungkot sa kaniyang boses. Malamang ay tulad ko, hinihiling niya rin na makadama ng init mula sa ibang tao. Kaya kahit nag-aalangan ay inilakbay ko ang aking kamay papunta sa kaniyang katawan. Nahawakan ko ang kaniyang matigas na dibdib. At sunod kong hinawakan ang kaniyang leeg.

“Ang lamig mo,” mahina kong sambit.

“And you as well,” mahina niya ring sambit.

Hinaplos ko ang kaniyang leeg at nadama ang nakabukol niyang adam’s apple. Saka ko sunod na hinaplos ang kaniyang mukha. Hindi ko man siya nakikita, nahawakan ko naman ang kaniyang malambot na mga labi, makinis na pisngi, matangos na ilong, at mga matang nakasara. Hindi ko maitanggi ang aking nararamdaman. Nag-iinit. Ang puso’y gusto nang kumawala. Posible palang mahulog sa isang tao sa loob lamang ng maikling sandali? At sa isang tao na hindi mo pa nakikita?

“Can I touch you as well?” paghingi niya ng permiso.

Sagot ko naman, “Oo.”

At ginawa niya sa ’kin ang ginawa ko sa kaniya. Sa sobrang lamig ng kaniyang kamay ay napapahalinghing ako sa bawat haplos na kaniyang ginagawa. Sa ’king leeg. Sa ’king mga labi. Sa ’king pisngi. Sa ’king mga mata na aking isinara habang dinadama ang bawat dampi. Sa kabila ng lamig ay nananatili pa rin ang init sa ’king puso. Sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon lang ulit ako nakaramdam ng haplos galing sa ibang tao. At sa isang tao na hindi ko pa nakikita.

“Do you believe in right person at the wrong time?” tanong niya sa kawalan.

“Bakit?” Iminulat ko ang aking mga mata at humarap ako sa pinanggagalingan ng boses.

“Nothing.” Nadama kong malapit na ang mukha niya sa akin dahil sa lamig ng kaniyang hininga na tumatama sa ’king mga labi. “I just wish we had met sooner.”

Nagtaka ako sa sinabi niya. “Puwede pa naman tayo ulit magkita, ’di ba? Nasa itaas ka lang?”

“Not yet,” tanging sabi niya. Ramdam kong palapit na nang palapit ang kaniyang mga labi sa ’king mga labi. “I’m stuck.”

Maya-maya pa ay biglang nagkabuhay ang ilaw sa ceiling ng elevator. Nakarinig din ako ng malakas na dagundong at nakadama ng pagyanig sa sahig at dingding. Dahil sa takot ay agad na napapikit ang aking mga mata. Bumilis din ang tibok ng aking puso. Mga ilang sandali ang itinagal nito. At nang kumalma na ang elevator ay tanging ang mahinang ugong na lang nito ang naririnig ko. At ang aking hininga. At ang aking puso. At ang hudyat na nakarating na ako sa palapag kung saan ako nakatira.

“Ligtas na ’ko…” usal ko. “Ligtas na tayo…”

Sa loob ng ayos nang elevator, maliwanag at maginaw nang imulat ko ang aking mga mata. Ngunit pagmulat ko, hindi ako makapaniwala sa ’king nakita. Hindi ko alam kung paano ito nangyari. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Basta’t ang tanging alam ko lang ay…

Mag-isa lang ako buong magdamag.

3:00 AM

Parang may umihip na malamig na hangin at nagsitayuan ang aking mga balahibo. Natagpuan ko ang aking sarili na nakaupo sa sahig ng elevator at walang katabi. Walang kaharap. Walang hawak na mukha. Magkahalo-halong emosyon ang aking nararamdaman. Takot. Pagtataka. At lungkot.

Ang lalakeng hindi ko makita kanina, tuluyan ko nang hindi nakita.

Agad akong tumayo nang may nanginginig na mga binti. At nang makita kong nakabukas na ang pinto ng elevator ay agad kong pinulot ang aking nakatiklop na payong sa harapang sahig. May pagmamadali akong lumabas dito.

Paglabas ko ay lumingon ako pabalik. Suminghap. Hindi pinaniwalaan ang nakikita ng aking mga mata. Kahit anong gawin kong pagkusot dito ay walang nagbabago. Wala talagang ibang tao sa loob ng elevator. Kundi ako lang. Walang maputi, matangkad, at matipunong lalake na nakasuot ng puting long sleeve at itim na pantalon.

Tuluyan nang nagsara ang pinto ng elevator. Sa itaas na digital display ay nakita kong umakyat na ito pataas. At naiwan akong mag-isa sa hallway. Nakatulala.

Pagpasok ko sa ’king condo ay agad akong nagbanlaw sa shower. Nagbihis. Nagpatuyo ng buhok. Humiga sa kama. Pero hindi ako makatulog sa kaiisip.

Guni-guni ko lamang ba ang lahat?

Pero natatandaan ko pa rin ang kaniyang boses.

Nag-usap kami.

At sigurado akong nahawakan ko siya.

Nahawakan ko ang kaniyang mukha.

Niyakap ko nang mahigpit ang aking unan. At sa hindi maipaliwanag ay tila may malamig na nakayakap sa ’kin kahit na may balot na makapal na kumot ang aking katawan. Marahil ay hindi pa rin umaalis sa ’king katawan ang takot. Ngunit hindi ko na lang ito pinansin. Sa puntong ito ay mas nangibabaw sa ’kin ang lungkot. Kung totoo mang nangyari ang lahat, gusto ko ulit siyang makita. Gusto ko ulit siyang maramdaman. Gusto ko ulit makaramdam ng init.

Magdamag akong hindi nakatulog. Nang sumikat na ang araw ay lumabas ako ng condo. Binalikan ko ang elevator na sinakyan ko kagabi. Nakasara ang pinto nito at may paskil na ‘Under Maintenance’ sa harap.

“Ay, wala po ’yan, Sir,” sabi ng janitor na nagmamapa ng sahig. “Matagal na po ’yang sira.”

“P-Po?” Kumunot ang aking noo. “Pero nasakyan ko pa po ’yan kagabi. Tapos nawalan lang po ng kuryente.”

“Hindi, Sir,” diin ng janitor. “Hindi po nawalan ng kuryente kagabi. Sadyang matagal nang sira ’yan.”

“Huh?” Kumunot ang aking noo.

“Dito na lang po sa kabila, Sir.” Itinuro niya ang isa pang elevator. Mayroon lamang dalawang elevator sa building na ito. “Ito lang po ’yong gumagana.”

Mas lalo akong nabalot ng pagtataka. Sigurado akong nasakyan ko ang elevator na tinutukoy niyang sira. Sigurado ako.

Naglakad ako papunta sa kabilang elevator habang nakatitig pa rin sa elevator na sira daw. Nang bumukas na ang elevator sa ’king harapan ay pumasok na ako sa loob nito. Dahil may iba akong kasamang tenants sa loob nito ay naibsan ang aking takot mula sa nangyari kagabi.

Tiningnan ko ang buttons sa elevator. At sa ’king pagkabigla, wala akong nakitang 13th button. Mula sa numerong 12 ay lumaktaw ito sa 14. Inisip ko na lang na baka ay kulang lang ang buttons ng elevator na ito at kumpleto ’yong sa kabila na sinasabing sira. Sa ilang beses na gumamit ako ng elevator ay hindi ko napapansin ang mga nasa itaas na buttons dahil sa 10th button lang ako laging pumipindot.

Pagdating sa first floor ay lumabas na ako ng elevator kasama ng ibang tenants. Sandali akong sumilip sa kabilang elevator. Nakasara din ito. At mayroong isang papel sa harapang sahig nito na may bakat ng sapatos. Nilapitan ko ito at kinuha. Sigurado akong ito ang bakat ng aking sapatos. At nang baliktarin ko ito ay tumambad ang sulat na ‘Under Maintenance.’ Marahil ay nalaglag ito kagabi at aking naapakan. Isa lang ang ibig sabihin nito. Bumukas ang elevator na ito at nakapasok ako sa loob nito kagabi.

Naglakad na ako papunta sa reception kung saan may guwardiyang nakatayo. Nang makalapit dito ay nagtanong ako. “Kuya, nawalan po ba ng kuryente kagabi?”

Sagot naman ng guwardiya, “Hindi naman po. Bakit po?”

“Ah, kasi…” Tumikhim ako. “Sumakay po ako do’n sa kabilang elevator kasi ’yon lang po ’yong bukas kagabi. Tapos nawalan ng kuryente. Kaya na-stuck po ako sa loob kasama ’yong… ’yong isang lalake… Maputi po… ’Tsaka matangkad… May kalakihan ang katawan… Nakatira po siya sa 13th floor…”

“Sa kabilang elevator?” May bakas ng pagtataka sa kaniyang noo. “’Yong sira po ba?”

“O-Opo,” sagot ko. “Pero sira po ba talaga ’yon? Bumukas po ’yon kagabi eh. Sure po ako.”

“Sira po ’yon. Matagal na pong sira,” sabi niya. “’Tsaka wala pong 13th floor sa building na ’to.”

Natigilan ako sa sinabi niya.

“Eh paano po ako nakasakay do’n?” taka ko. “Puwede po bang makita ang CCTV footage sa hallway kagabi?”

Nagdalawang-isip muna ang guwardiya, ngunit kinalaunan ay pumayag din siya. “Sige po.”

Lumapit kami sa desk kung saan nakabukas ang computer na may tatlong monitors na magkakatabi. Nang halungkatin ng guwardiya ang files sa computer ay nakita niya ang footage kagabi. At nakita ko ang aking sarili sa screen. Pumasok ako sa building na basang-basa. Tiniklop ko ang aking payong. At bumukas ang pinto ng sinasabi nilang sirang elevator at nalaglag ang nakapaskil na papel sa harap nito. Saktong 12:00 AM nang mangyari ito.

“O, paanong—?” Hindi makapaniwala ang guwardiya. Kahit ako rin naman. Kung sira ito, bakit ito bumukas sa kalaliman ng gabi?

Bukod sa akin ay walang ibang nakita na pumasok sa loob nito dahil ito ang unang beses na bumukas ito sa tinagal-tagal. Walang masyadong nangyari sa hallway sa mga sumunod na oras. Hindi naman kasi gumagana ang CCTV sa loob mismo ng elevator dahil sira nga raw ito, kaya hindi namin makita kung anong nangyayari sa ’kin sa loob. Saka ko lamang nalaman na mahigit tatlong oras pala akong na-trap sa loob ng elevator nang sunod naming tingnan ang footage sa 10th floor. Bumukas ang pinto ng elevator at nakita akong nakaupo sa sahig sa loob nito. Tila may hawak akong mukha sa ere. Pero wala namang ibang tao sa loob kundi ako lang.

Lumipas ang ilang araw at hindi pa rin maalis sa isip ko ang nangyari sa ’kin sa loob ng elevator. Wala akong ibang pinagsabihan tungkol dito. Ngunit kinalaunan ay kumalat din ang kuwento. Nagsimula ito sa guwardiya. Naipasa sa janitors. Narinig ng mga tenants. At nakarating sa mismong may-ari ng condominium.

Nakausap ko ang may-ari nito. At sa kaniya ko rin mismo nalaman ang buong kuwento. Itinayo daw ang building na ito nang may kumpletong palapag mula una hanggang ikalabinlima dahil hindi naniniwala sa pamahiin ang may-ari na malas ang numerong 13. Sa 13th floor ay mayroon dating naninirahan na pamilya. Isang nanay, isang batang babae, at isang lalake na nasa bente singko ang edad.

Tugma sa deskripsiyon ko ay maputi, matangkad, at matipuno daw ang lalake. Kinagigiliwan ito ng maraming babae sa building, dahil bukod daw sa guwapo, ay mapagmahal ito sa pamilya. Isang gabi, lumabas ang lalake kahit kagagaling lang nito sa trabaho, para ibili ng gamot ang bunsong kapatid. At iniwan nitong naka-charge ang kaniyang cellphone sa loob ng kanilang condo unit. Taong 2013 nang mangyari ang trahedya. Habang nakahiga sa kama ang ina at kapatid nito ay sumabog at lumiyab ang kaniyang cellphone at nahagip ang isang kurtina malapit sa harapang bintana. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Kinalaunan ay kumalat ang apoy sa loob at hindi na nakalabas ang mag-ina. At huli na nang bumalik ang lalake. Tuluyan nang naging abo ang mga mahal nito sa buhay.

Labis na sinisi ng lalake ang kaniyang sarili dahil sa nangyari. Ilang araw daw itong hindi makausap. Araw-araw din daw itong nakikitang pabalik-balik sa elevator at pinipindot ang 13th button para balikan ang palapag kung saan ito dating nakatira. Ngunit wala na itong mabalikan pa kundi ang mga alaala ng kahapon. Hindi nagtagal ay kinitil ng lalake ang sarili nitong buhay sa loob din mismo ng kanilang natupok na condo unit.

Magmula noon, wala nang nanirahan sa 13th floor. Tinanggal na rin ang button nito sa dalawang elevators. Ang isang elevator na aking nasakyan ang siya raw laging ginagamit ng lalake noon. At marami ang nakapagsabi na mayroon daw silang naramdaman na kakaiba habang nasa loob nito. Mga bagay na hindi maipaliwanag. Tulad na lang kung paanong sobrang lamig sa loob kahit na wala naman itong aircon. At kung paanong palaging umaakyat pataas ang elevator kahit wala namang tao sa loob nito. Iniisip ng marami na marahil ay hindi pa rin daw makausad ang kaluluwa ng lalake dahil wala na ang dati nitong tahanan—sa 13th floor. Dahil sa sunod-sunod na reklamo at pangamba ay tuluyan nang ipinasara ang elevator at wala nang iba pang muling gumamit nito mula noon. Ako ang kahuli-hulihang gumamit nito.

Isang buwan akong naghintay. Naghintay na sana ay muli ko siyang maramdaman. Na sana tuwing uuwi ako galing trabaho ay muling magbubukas ang pinto patungo sa kaniya. Pero walang nangyari. Hindi ko pa rin siya maramdaman. Hindi ko pa rin siya makita. Hindi pa rin kami magkatagpo. Ni hindi ko man lang nga nalaman ang kaniyang pangalan. At mas lalong hindi ko alam ang kaniyang itsura.

Isang taon akong naghintay. Unti-unti ay nakakalimutan ko na ang kaniyang boses—kung paano siya magsalita, kung paano siya umawit, kung paano siya tumawa. Unti-unti ay nakakalimutan ko na ang kaniyang haplos—kung paano niya hinawakan ang aking mukha, kung paano ko naramdaman ang kaniyang hininga sa ’king mga labi, kung paano ako nakaramdam ng init kahit sa maikling sandali.

Unti-unti ay nagiging alaala na lang ang taong kasama ko noong gumawa ng alaala.

Ngunit pinilit kong huwag siyang kalimutan. Pinilit kong buhayin siya sa ’king isipan. Araw-araw, binabalikan ko ang nakaraan. Gabi-gabi, palagi ko siyang napapanaginipan.

Sa loob ng sirang elevator, madilim at maginaw. Katabi ko ang lalakeng hindi naman nakikita ng aking mga mata, ngunit nadarama ng aking puso. Nakahawak ako sa kaniyang mukha. Nakahawak din siya sa akin. Hindi ko alam kung hanggang kailan ito magtatagal. Basta’t ang tanging alam ko lang ay…

Hindi na ako nag-iisa.

Wakas.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.