SUMMER'S BITTER KISS (COMPLETED)
Pyhurrehunk · 49 chapters · 11,040 words
PAGE 1
Please answer in complete sentence.
Napahinto ako sa pagta-type.
Matagal kong tinitigan yung instruction sa screen ng laptop ko habang umiingay ang electric fan sa faculty room. Sobrang init ng panahon. Kahit nakaupo lang ako, pinagpapawisan pati kaluluwa ko.
Sa sofa, naghihilik si Sir Bong habang yakap ang class record. Sa kabilang mesa naman, si Ma’am Lorna nakikipag-away sa printer na parang mortal enemies sila since birth.
Typical Thursday lunch break sa public school. At heto ako. Gumagawa ng 4th Quarter examination para sa Grade 11.
Napabuntong-hininga ako saka marahang bumulong.
“Lord, kahit incomplete man lang po o may red flags. Wag lang sana mentally dangerous.”
Napalingon sakin si Ma’am Lorna.
“Ha?”
“Wala po. Prayer request lang.”
Bumalik ako sa laptop ko at nagtype ulit.
TRUE OR FALSE.
Parang love life ko.
Bigla akong natawa mag-isa.
Twenty-seven years old na ako. Isang Licensed Teacher, may stable na trabaho at konting ipon. Marunong na rin ako magluto ng adobo nang hindi lasang trauma. Pero sa lahat ng aspeto ng buhay ko, sa pag-ibig talaga ako ginawang punching bag ng universe.
Hindi naman ako pangit. Sakto lang.
Mabait ako saka responsible. Hindi nga ako sugarol. Higit sa lahat, hindi ako yung lalaking sumasama sa bible study, pero manloloko pala.
PAGE 2
Kaya hindi ko talaga maunawaan. Lagi kong pine-prayer request kay Lord na bigyan Niya ako ng tamang babae. Bakit puro may tama sa ulo napupunta sakin? Hindi cute na quirky ha. Yung clinically concerning.
Pero ewan ko ba. Kapag tahimik ang faculty room, doon nagsisimulang bumalik sa utak ko lahat ng failed relationships ko.
Napahilig ako sa upuan habang biglang bumalik sa isip ko si Bianca. Ang first girlfriend ko.
Super in love sana ako sa kaniya, kaso nung kumakain kami ng isda habang nagdate kami sa tabing dagat, romantic sana kung hindi siya biglang humikbi.
“Luis…” nanginginig pa ang boses niya. “Nararamdaman ko yung pain niya.”
Nahinto sa ere yung tinidor ko.
“Ano?” nakakunot noo na tanong ko.
“Yung isda,” sagot niya, umiiyak na. “What if may pamilya siyang naiwan sa dagat? Magiging broken family sila.”
Tiningnan ko yung isda, tapos siya. “Late ka na mag-empathize. Nasa tiyan ko na ’yung tatay.”
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung paano ko natapos yung relasyon na yun nang hindi napa-exorcise.
“Sir Luis?”
Napakurap ako.
Nakaharap sakin si Lloyd, isang student assistant.
“Sir, okay lang po kayo?”
“Hindi.”
“Ha?”
“Joke lang. Pakisaway nga yung mga HUMSS 11B. Sobrang ingay.”
Pagkatalikod niya, napailing ako.
Akala ko noon, si Bianca na ang pinaka-weird kong naging ex. Hindi pa pala.
Naging second girlfriend ko si Marilyn. Personal favorite ko sana siya dahil conservative at religious, pero biglang nagbago ang aura niya isang araw.
“Luis,” puno ng conviction na sabi niya. “Ako ang reincarnation ni Corazon Aquino.”
“Okay.”
PAGE 3
“Ipaglaban natin ang Pilipinas!” sigaw niya, hawak ang walis tingting na parang itak. “Kailangan nating hikayatin ang taumbayan sa panibagong EDSA Revolution!”
“Pwede bang next week na lang?” tanong ko. “Mag-practice pa kami ng mga bata ng cheer dance para sa Intrams.”
“Mga, chers!”
Napalingon ako sa may pinto.
Si Sir Carlo.
“May retreat daw ang mga Grade 12 sa Saturday. Sama kayo?”
“May single teacher bang kasama?” tanong ko.
“Wala.”
“Pass.”
Tumawa siya habang lumalapit sa table niya.
“Ayaw mo nun? Tahimik buhay mo.”
Napatingin ako sa screen, saka napabuntong hininga.
Pero walang tatalo kay Camille, ang Ex Number Three. Akala ko normal lang siyang selosa.
Nagising ako isang araw na galit na galit siya.
Pagpasok ko sa coffee shop, nakacross arms agad.
“You cheated on me.”
“SAAN??”
“Sa panaginip ko.”
Nanahimik ako. Inisip ko kung joke ba, pero seryoso siya.
“May ka-holding hands kang cashier!”
“Eh panaginip mo yun!”
“Pero ginawa mo!”
“Hindi nga ako yun!”
“Ikaw yun!”
“Eh di yung version ko sa panaginip mo ang sampalin mo!”
Tapos nakipagbreak dahil ‘once a cheater in dreams, always a cheater in reality’.
Ano ako, multiversal threat?
PAGE 4
Ganyan umiikot ang love life ko habang umiikot din ang school year. Hanggang sa dumating na naman ang year-end. Which means, magkaroon kami ng dalawang buwan na undisturbed rest sa summer vacation.
Pagkatapos ng graduation at moving-up ceremony, nagsimula nang mag-uwian ang mga teacher. Isa-isa silang nagpaalam.
“Bye Sir Luis!”
“Ingat!”
“Happy vacation!”
Naiwan akong mag-isa sa faculty room habang unti-unting lumalabo ang liwanag sa labas.
Dahan-dahan kong isinara ang laptop ko. Matapos mailigpit ang mga gamit ko, umuwi na rin ako.
Maliit lang apartment ko, pero maayos. May ref, flat screen TV at air fryer din na ginagamit ko lang dalawang beses kada buwan para maramdaman kong successful ako sa buhay.
Pagkapasok ko, automatic kong binuksan ang ilaw.
Walang bumubungad para magtanong kung kumain na ko. Wala ring naghihintay sa pag-uwi ko.
Tinanggal ko ang sapatos ko saka dumiretso sa kusina.
Pancit canton ulit ang hapunan ko. Pangatlong beses na yata ngayong linggo.
Habang hinihintay kumulo ang tubig, napasandal ako sa counter. Doon umingay sa utak ko ang katahimikan. Not in a way na peaceful, kundi malungkot yung vibe.
So far, stable naman ang buhay ko. Nakapagpadala ako ng pera kay Lola Trinidad. Pero bakit parang may kulang pa rin?
Napatingin ako sa dining table. Isang upuan lang lagi ang gamit ko. Lahat ng mga gamit dito, pang-isahan lang.
Hindi ko nakilala ang papa ko. Si Mama naman, namatay noong Grade One pa ako. Hindi ko alam kung freedom ba o loneliness ang tawag sa ganitong klaseng buhay. Sanay na naman ako, pero minsan nakakabingi talaga ang katahimikan, lalo na kapag mag-isa akong kumakain ng pancit canton sa hapunan.
PAGE 5
Tahimik akong kumain habang nanonood ng random vlog sa cellphone para lang may ingay. Pero kahit gaano kalakas ang volume, hindi niya natatakpan yung pakiramdam ng pag-iisa.
Siguro kaya bigla kong naalala yung tawag ni Lola Trinidad kahapon.
“Umuwi ka muna rito sa isla.”
“Bakasyon mo naman.”
“Nandito ang dagat. Makapagpahinga ka.”
Pumikit ako.
Baka nga kailangan ko nun. Kailangan ko ng pahinga at magre-set ng buhay.
Matapos mailigpit ang pinagkainan, nagbook ako ng biyahe. Tomorrow morning, uuwi ako sa isla.
Napangiti ako.
Dalawang buwan akong magpapahinga sa Isla Selinog. Hindi ko kailangang magdrama dito sa loob ng dalawang buwan. Recharge lang ng energy para sa susunod na pasukan.
Kinabukasan, pinalitan ng alat ng dagat yung amoy ng alikabok at papel ng faculty room.
Ang Isla Selinog ay isang maliit na barangay na sakop ng Dapitan City, pero halos isang oras at kalahati rin ang biyahe ng bangka bago marating.
Madalang na rin akong makauwi rito kahit summer. Kadalasan kasi, may mga NLC at ARAL Program pa sa DepEd na kailangang asikasuhin. Kaya tuwing nakakabalik ako sa isla, pakiramdam ko may parte ng sarili ko na matagal nang naiwan dito.
May kakaibang amoy talaga ang isla tuwing summer. Halo-halong dagat, araw, at usok ng iniihaw na pusit. Pagkababa ko pa lang ng bangka, parang sampal agad sakin yung init at nostalgia.
“MAGDALENA… IKAW AY SAWIMPALAD!” sigaw ng karaoke mula sa kabilang kanto.
May mga batang tumatakbo na walang tsinelas habang may dalang tirador. Sa covered court, may liga na agad kahit alas dyes pa lang ng umaga. May mga tandang na tila mas may galit pa sa mundo kaysa sa mga politiko tuwing election.
At syempre, may mga marites.
“Si Luis ba yan?”
“Aba’y lumaki!”
PAGE 6
“Malaki na talaga yan dati pa.”
“Teacher na raw sa siyudad!”
“Single pa rin ba?”
“Siguro. Walang kasamang nobya.”
Dalawang minuto pa lang ako sa isla, personality reveal agad. Napailing ako habang hinihila yung bag ko sa makitid na daan papunta sa bahay ni Lola Trinidad. Yung damit ko, gusto nang sumuko sa humidity.
Pero gumaan ang pakiramdam ko. Parang pagbalik sa lugar na hindi naman perpekto, pero kilala ka. Kahit ilang taon kang mawala, may tindera pa ring tatawag sa’yo ng “Pogi,” kahit obvious namang marketing tactic lang para bumili ka pa ng softdrinks.
Pagdating ko sa bahay, bumungad agad si Lola Trinidad sa pinto.
“Ay salamat at buhay ka pa, apo.”
“Hello rin po.”
Mahigpit niya akong niyakap.
“Ang payat mo.”
“Hindi po. Ito na ang peak form ko.”
“Sinungaling.”
Tumawa ako kasi ganito lagi rito. Walang emotional preparation. Rekta agad sa panglalait bilang love language.
Pagpasok ko sa bahay, bumungad yung lumang electric fan, santo sa sulok, at yung TV na kailangan sampalin minsan bago luminaw.
“Maghugas ka muna. May pagkain sa mesa.”
“Yes po.”
Habang naghuhugas ako ng kamay, nagsasalita si Lola sa likod ko tungkol sa kung sinu-sino nang namatay, nagkaanak, nagkakabit, at nag abroad sa barangay. Complete community ang update package. Tapos casually niyang sinabi.
“Buti umuwi ka. Andito rin si Jenner.”
Huminto ako sa paghuhugas ng kamay.
“Ha?”
“Si Jenner. Yung anak nina Aling Tessie.”
Saglit akong natigilan.
PAGE 7
Paanong hindi?
Siya yung halos kasabay kong lumaki rito sa isla. Kasama kong manghuli ng tutubi noon gamit yung plastic na may butas. Siya rin yung kasama ko noong tumalon ako sa pantalan kahit hindi naman talaga ako marunong lumangoy.
Actually, siya pa nga sumagip sakin.
Napangiti ako nang bahagya sa alaala. Ang weird isipin na ang tagal na pala noon. Ang dali balikan ng memories kapag nasa isla ka ulit.
Bigla nalang kasi siyang nawala rito dati. Isang summer andito pa siya, sabay pa nga kami nagpatuli, tapos sunod na taon, nawala na. Wala man lang proper goodbye. Nabalitaan ko nalang sa mga magulang niya na ipinadala nila si Jenner sa Dumaguete para ipasok sa seminaryo.
At bilang sampung taong gulang na batang tanga noon, ang reaction ko lang…
“Ay. Pwede pala kunin ng simbahan yung tao?”
Akala ko parang draft lang sa basketball.
“Umuwi rin daw for vacation,” dagdag ni Lola habang nagsasandok ng sinaing. “Naka-discernment period, bago raw maordinahan.”
Naalala ko nga. Pangarap ng pamilya nila na maging pari siya.
Napabuntong-hininga ako.
“Bakit?” tanong ni Lola.
“Wala po.”
Hindi ko na siya masyadong naiisip after noon. Paminsan-minsan lang kapag may seminarista akong nakikita o kapag napapadaan ako sa waiting shed malapit sa pantalan na dati naming tambayan.
Normal lang naman siguro malungkot nang konti kapag naalala mong may childhood friend kang bigla nalang nawala sa routine ng buhay mo.
Life just happened. Ganun naman minsan diba? People come and go. At times, they disappear quietly.
Pagsapit ng hapon, naglakad ako papuntang dagat.
Same pa rin. Yung tubig, kumikislap pa rin kapag tinatamaan ng araw. Ang mga bangka, parang hindi tumatanda at yung hangin, maalat pero presko.
PAGE 8
May mga batang tumatalon mula sa pantalan habang may sumisigaw ng, “HOY WAG KA DIYAN MALALIM DIYAN!”
Sabay talon din.
Napangiti ako habang naglalakad sa buhangin. Akala ko dagat lang ang babalikan ko rito. Hindi pala.
Doon ko nakita si Jenner.
Parang biglang bumagal lahat. Nasa may dalampasigan siya, tumutulong magbuhat ng bangka kasama yung ilang mangingisda.
Nakasuot siya ng puting polo na basa na sa pawis at tubig dagat. Nakatupi yung manggas hanggang siko at kumakapit yung tela sa katawan niya.
Mas matangkad na siya ngayon. Mas lumapad din ang balikat, at mas defined yung panga. Pero yung mukha niya, ganun pa rin. Mabait tingnan, kahit hindi ngumiti, gentle pa rin yung aura.
Tapos tumawa siya sa sinabi nung matandang kasama niya.
“Ay, hala!” Napabulong talaga ako. “Bakit sobrang gwapo na niya?”
Biglang lumakas ang hangin at may buhanging pumasok sa mata ko.
“Ack- shit…”
Habang nagkakamot ako ng mata, napalingon si Jenner sa direksyon ko. Nagtagpo ang mata namin. Nakilala niya agad ako. Kita ko yung gulat sa mukha niya bago siya dahan-dahang ngumiti.
Lumapit siya habang hawak pa yung lubid ng bangka.
“Luis?”
Nagbago na rin ang boses niya mula noong mga bata pa kami. Ngayon, mas buo na, pero mas maganda pakinggan.
“Uy.”
Tumigil siya sa harap ko.
Grabe! Mas malala pala kapag malapitan.
Amoy araw at dagat siya. May maliit na nunal pala siya malapit sa leeg na hindi ko napansin noon.
Bakit ko napapansin ngayon?
“Ang laki mo na.”
PAGE 9
Napakurap ako.
“Ikaw rin.”
“…salamat?”
“Hindi, literal.” Natawa ako. “Ang lapad na ng balikat mo.”
Tumawa siya.
Ewan ko ba kung bakit parang biglang nagloko lahat ng braincells ko. Yung dibdib ko, kumakabog. Hindi dapat ganito reaction ko sa seminarista.
“Umuwi ka pala,” sabi niya.
“Summer vacation.”
“Teacher ka na raw?”
“Oo. Senior High.” Napabuntong-hininga ako. “Araw-araw akong sinusubok ng Panginoon.”
Tumawa ulit siya.
“Miss ka ng mga tao rito.”
“Miss ko rin kayo.”
Ngumiti lang siya ulit, pero hindi ako nakahinga ng mga two seconds.
Nakakabwisit!
“Jenner!” sigaw nung matandang mangingisda. “Tulungan mo muna kami rito!”
“Sandali po!”
Bumaling ulit siya sakin.
“Dito ka lang ba buong summer?”
“Two months.”
“Matagal din.”
“Bakit? Ayaw mo?”
Pabiro ko lang sinabi, pero pagkalabas na pagkalabas nun sa bibig ko, gusto kong batukan sarili ko.
“Putek ka, Luis. Kalmadohan mo.”
Imbes na mailang, ngumiti lang siya.
Kinagabihan, may pa-liga sa covered court. Buong isla yata nandoon. May nagbebenta ng fishball. May batang umiiyak dahil pinapauwi ng nanay. May karaoke ulit na sintunado pero confident.
PAGE 10
Syempre, nandun din si Jenner. Nakaupo siya sa gilid kasama ang ilang kabataan habang tumutulong magsulat ng score.
Habang umiinom ako ng Coke, tumabi si Tiya Pasing sa’kin.
“Gwapo ni Jenner no?”
Muntik ako mabulunan.
“Opo.”
“Sayang talaga ang lahi. Magpapari.”
May kumurot agad sa dibdib ko pagkarinig nun.
Tumawa siya. “Kung dalaga lang ako, kinidnap ko na ’yan.”
Parang may malaking pader na bigla na lang tumayo sa pagitan namin ni Jenner kahit kakabalik ko pa lang dito.
Napatingin ako sa kaniya. Tumatawa siya habang kinakausap yung mga bata. Simple lang, pero ang hirap alisan ng tingin.
Doon ko unang naramdaman…
Ayokong magsuot siya ng puti para maging pari. Gusto kong isuot niya iyon habang hinihintay ako sa altar.
Alas-sais pa lang ng umaga, gising na ako voluntarily. Balak kong magpaka-religious today.
“Luis.”
Hindi ko pinansin si Lola habang nagsusuot ng polo.
“Luis.”
Naglagay pa ako ng pabango.
“Luis Emmanuel Lorejo.”
Napalingon ako. “Bakit parang may warrant of arrest agad?”
Nakatayo si Lola sa pintuan habang may hawak na tabo at nakapamaywang.
“Saan ka pupunta?”
“Sa simbahan.”
Nagulat siya.
“Ha?”
PAGE 11
“Sa simbahan,” ulit ko.
“Magkukumpisal ka?”
“Hindi.”
“May kasalanan ka?”
“Wala.”
“May nabuntis ka?”
“LA!”
Humalakhak siya habang ako naman halos ma-highblood agad umagang-umaga.
“Eh bakit ka nakaayos?”
“Volunteer ako sa Flores de Mayo.”
Napakurap siya.
“Ikaw?”
“Grabe naman.”
“Aba malay ko. Noong bata ka nga, ginawa kang angel sa Santacruzan, umiyak ka kasi ayaw mo ng pakpak.”
“Mainit kasi!”
“Tapos ngayon volunteer volunteer ka na?”
“Nagbabago ang tao.”
“Hindi ka nga marunong magtupi ng kumot.”
“Connected ba yun?”
“Oo. Kasi baka mamaya bulaklak ipaayos sayo ni Sister Dolores.”
Napabuntong-hininga ako.
“Kaya ko naman.”
“Talaga?” Tumaas ang kilay niya. “Marunong ka ba mag-ayos ng bulaklak?”
“Hindi.”
“Magtali ng ribbon?”
“Hindi rin.”
“Eh bakit ka sasali?”
Inayos ko ang polo ko, kunwari offended.
“Devoted lang talaga ako sa simbahan.”
Tumawa siya nang malakas.
PAGE 12
“Hay naku. Baka bukas madre ka na.”
“Supportive ka talaga, La.”
“Hindi sa hindi ako naniniwala…” sabi niya habang pinipigilan tumawa. “Nakakapanibago lang. Naalala ko tuloy yung bata ka pa. Tinakbuhan mo si Father Nardo noong wiwisikan ka niya ng holy water.”
“Nagulat lang ako!”
Tumawa na naman siya, tapos umiling habang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa.
“Ano bang meron sa Flores de Mayo ngayong taon at parang excited ka?”
“Wala naman.”
Umupo siya sa monoblock chair.
“Baka himala na talaga ’to.”
“Grabe ka.”
“Hindi, seryoso. Proud ako sayo.”
Kumunot ang noo ko. “Talaga?”
“Oo. Ngayon lang kita nakitang may ambag sa simbahan bukod sa pag-upo sa pinakadulo, habang humihikab.”
“Excuse me, active listener ako.”
“Active matulog.”
“Nakaka-offend ka na, La.”
Binato niya ako ng bimpo.
“Umalis ka na nga dito bago kita gawing santo.”
Tumawa nalang ako habang lumalabas ng bahay. Habang naglalakad ako papuntang kapilya, hindi ko maiwasang mapangiti.
Ewan ko ba. Parang masyado akong ganado. Never naman ako naging active sa simbahan.
Pagdating ko sa chapel, amoy agad yung sampaguita at pandesal.
Maingay na. May mga batang naghahabulan at mga titang tsismosa. May mga volunteer rin na mukhang alam ginagawa nila. Higit sa lahat, may isang dahilan kung bakit ako nandun.
Sino pa ba? Si Jenner, siyempre.
PAGE 13
Nakatayo siya malapit sa altar habang nag-aayos ng puting bulaklak. Simpleng puting t-shirt at maong na short lang ang suot niya. Pawisan ang noo, pero parang may sariling electric fan yung buhok niya.
“Jenner.”
Napalingon siya.
Ayun na naman. Yung lintik niyang ngiti na parang kayang patahimikin ang buong isla.
“Dumating ka pala.”
“Ako pa ba?”
Mali. Kaya bumawi ako agad. “Este… syempre. Volunteer tayo eh.”
“Volunteer?” tumaas ang kaniyang kilay. “Ikaw?”
“Bakit parang impossible?”
“Kasi noong prusisyon before, nawawala ka.”
“Naligaw.”
“Nasa computer shop ka. Napingot ka pa nga ni Lola Trinidad.”
Tumawa siya.
“O eto,” sabi niya habang inaabot yung tape. “Tulungan mo ako.”
Kinuha ko agad.
Habang gumagawa kami ng dekorasyon, kunwari busy ako, pero ang totoo? Mga otsenta porsyento ng utak ko nakatingin lang sa kanya. Kung paano siya ngumiti at mag-concentrate. Kung paano rin siya kumagat sa lower lip kapag nahihirapan itali yung ribbon.
“Luis.”
“Ha?”
“Kanina ka pa mali mali.”
“Hindi ah.”
“Yung crucifix dinikitan mo ng artificial flowers.”
Tiningnan ko gawa ko.
“Ay! Bawal ba?”
“Hindi yan center piece. Patay tayo kay Sister Dolores.”
Lumapit siya saka kinuha ang krus sa kamay ko.
Masyado siyang malapit. Naamoy ko sabon niya. Amoy safe guard, pero nakakabaliw.
“Itong ribbons nalang sa’yo” sabi niya. “Turuan kita.”
PAGE 14
Hinawakan niya ang kamay ko, habang nagdemo siya. Naaning yung utak ko bigla.
“Gets mo?”
Hindi ako makasagot.
“Luis?”
“Oo.”
“Ano sabi ko?”
“Ang lambot ng kamay mo.”
Napaatras siya agad.
“Loko ka.”
“Totoo naman.”
“Tumino ka nga.”
“Tinatry ko. Kaso andyan ka.”
Napailing siya pero halatang pinipigilan yung ngiti. Ako naman, parang nanalo sa lotto.
Bandang tanghali, halos lahat pawisan na. Pero masaya ako kahit wala naman akong ambag. Actually, meron pala. Tagahatid ako ng tubig, pero kay Jenner lang.
“Jenner, inom ka.”
“Kaka-inom ko lang.”
“Hydration is important.”
Makalipas ang limang minuto.
“Jenner tubig ulit.”
“Luis.”
“O.”
“Pang-ilan na to? Parang gusto mo akong lunurin.”
Ngumisi ako nang makahulugan.
Tinamaan niya ako ng artificial flower.
“Manyakis!”
“Romantic,” depensa ko.
“Pareho lang yun sayo.”
Hindi ako nakaimik kasi totoo.
Bandang tanghali, inutusan kaming bumili ng dagdag na flowers sa palengke. Dahil halatang favorite ako ng tadhana, kami ni Jenner yung pinagsama.
PAGE 15
“Magmotor nalang kayo,” sabi ni Sister Dolores.
“Mainit. Baka ayaw ni Luis. Kami na lang ni Edmund,” sabi ni Jenner.
“Hindi,” mabilis kong sagot. “Nagpa-tan ako.”
Tiningnan niya ako.
Ngumiti ako, inosenti kunwari, pero sa utak ko? Finally, may silbi rin ang prayers ko.
Habang naglalakad kami sa palengke, pansin ko lahat yata ng tao kilala si Jenner.
“Uy Jenner!”
“Father Jenner soon!”
Tuwing may tatawag sa kaniya ng Father , andun na naman yung kakaibang kurot sa puso ko. Hindi ko gusto dahil ayokong sanayin ang sarili ko na marinig yun.
Huminto kami sa flower stall.
“Magkano po ang sampaguita?” tanong ni Jenner.
Habang kinakausap niya yung tindera, nakatitig lang ako sa kaniya.
Ang gwapo pala talaga niya.
Tapos bigla siyang napalingon sakin.
“Bakit?”
“Nag-observe lang.”
“Sinusuri mo ako?”
“Oo.”
“Bakit?”
Tumikhim ako.
“Iniisip ko kasi kung ikaw yung bulaklak na alay kay Mama Mary sa altar… pwede rin ba kitang dilig-diligan ng pagmamahal ko araw-araw?”
Halos mabulunan siya.
“Ha?!”
Natawa ako ng bahagya.
“Joke lang.”
Yung tindera, halos ma-dislocate ang panga kakangiti.
“Ay naku iho,” sabi niya kay Jenner. “Mukhang mahina ka sa isang to.”
Namula lalo si Jenner.
PAGE 16
Pauwi kami nang biglang umulan. Yung biglaang summer rain na malalaki agad ang patak.
“Lagnatin tayo nito!” sigaw ko.
Huminto kami sabay takbo papunta sa waiting shed habang bitbit yung flowers. Basang-basa kami pareho pagdating doon. Humahangos ako habang tinatanggal ang ulan sa buhok ko.
Tapos napatingin ako kay Jenner.
Nakapagmura ako bigla.
Masyadong malinaw yung dibdib niya sa manipis na tela. Napatingala ako sa langit.
“Himatayin yata ako dito.”
Lumingon siya sa’kin.
“May sinabi ka?”
“Wala. Nagdarasal lang.”
“Talaga?”
“Oo. For strength.”
“Para saan?”
“Para maging mabuting tao.”
Natawa siya habang napailing.
Tahimik ulit pagkatapos nun, pero hindi awkward. Maingay pa rin yung ulan sa bubong ng waiting shed, pero gumaan lahat habang magkatabi lang kami roon.
Then softly, sabi niya, “Masaya ako na nandito ka ulit, Luis.”
May humila sa dibdib ko. Simple lang naman ang sinabi niya, pero bakit parang ang bigat?
Hindi ako agad nakasagot. Kasi bigla kong naisip. Kailan ba huling may nagsabi sakin na masaya silang nandito ako? Hindi dahil entertaining o nakakatawa ako. Kundi dahil… ako lang.
Tiningnan ko siya. Doon ko mas napansin yung maliliit na bagay. Kung paano siya makinig nang buo kapag may kausap, at kung paano siya ngumiti sa matatanda at alalayan yung batang nadapa kanina nang hindi man lang pinapansin kung nadumihan damit niya. Kung paano rin siya magdasal bago kumain kahit fishball lang.
Hindi lang katawan mo yung nahuhulog. Pati yung mga parte mong matagal nang hindi naniniwala sa pag-ibig.
PAGE 17
Hindi ko na muna siya tiningnan pagkatapos nun. Nakinig nalang ako sa ulan habang pilit inaayos yung gulo sa dibdib ko.
Pagkatapos naming maihatid yung flowers sa simbahan, mukha na kaming dalawang basang sisiw.
Dumikit na yung polo ko sa balat ko. Yung tsinelas ko tunog utot kada hakbang. Tapos yung buhok ko, mukhang sinalanta ng bagyo.
“Uuwi ka na?” tanong niya habang binababa yung kahon sa gilid ng chapel.
“Oo sana. Kasi feeling ko may ecosystem nang nabubuo sa brief ko.”
Tumawa siya.
“Ligo muna tayo sa dagat,” sabi niya. “Malapit lang naman.”
Natigil ako.
“…tayo?”
Tumango siya. Doon ako namatay internally.
Pagdating namin sa dalampasigan, medyo palubog na ang araw. Golden yung tama ng ilaw sa tubig. Mahangin, saka tahimik. Konti nalang din ang tao.
Tinanggal ko ang polo ko habang kunwari chill lang, pero yung utak ko, parang sinaniban ng holy spirit.
Si Jenner naman, walang ka-effort effort nagtanggal pa ng short.
Feeling ko kung may CCTV si San Pedro sa langit, pina-blotter na kami sa setup namin na ’to.
Noong mga bata kami, normal lang namang hubo’t hubad kaming naliligo sa dagat. Wala lang yun noon, pero ngayon? Bakit parang kailangan ko nang magsimba after nito?
Naka-boxer briefs lang siya habang naglalakad papunta sa tubig. Tambad sa’kin ang defined abs. Yung buhok niyang basa, nakabagsak sa noo niya. Tapos yung balat niya kumikislap pa sa sikat ng araw na parang ineedit ng langit in real time.
Tumingin ako sa dagat saka wala sa sarili na napatanong.
“Sinong santo ang dapat kong suyuin para sa’yo?”
“May sinabi ka?” tanong niya.
“Wala. Nagdadasal lang ako for survival.”
Tumawa siya bago tuluyang tumalon sa tubig.
“Hoy! Ang bagal mo!” sigaw niya mula sa dagat.
PAGE 18
“Iniingatan ko kasi dignity ko!”
“May ganun ka?”
“Konti!”
Tumalon ako sa tubig. Malamig agad yung alon sa balat ko. Nanginginig ako habang lumalangoy papalapit sa kaniya.
“Ang lamig!”
“Arte mo.”
“Siyempre city boy ako.”
“Limang araw ka nang nandito.”
“Adaptation takes time.”
Napailing siya habang tumatawa.
Lumalangoy lang kami nang walang direksyon. Minsan nagsasabuyan ng tubig. Minsan tahimik lang. Pero ako? Hindi matahimik ang utak ko, kasi bawat galaw niya distracting.
Kapag umaahon siya, dumadaloy yung tubig sa dibdib niya. Kapag tatawa naman siya, sumisingkit ang mata niya. Tuwing tatawagin niya ang pangalan ko, parang gusto kong marinig ’yun habang-buhay.
Minsan iniisip ko kung unfair ba ’to. Kasi habang mas tumatagal kaming magkasama, mas lalo kong nalalaman kung gaano siya kagaan kasama. At mas lalo rin akong nahihirapang magpanggap na simpleng crush lang ’to.
Dahil likas akong tanga kapag in love, nagkaroon ako ng ideya. Terrible idea, pero idea pa rin.
Tumingin ako kay Jenner na palutang-lutang lang sa tubig. Tapos bigla kong naisip.
Paano kung kunyari pinupulikat ang paa ko at malulunod ako? Tapos sasagipin niya ako? Tapos magiging emotionally significant moment? Tapos magkakatitigan kami?
Tapos… ay ang genius ko!
Huminga ako nang malalim. Then nagsimula akong magpanggap.
“Jenner-”
Kunwaring panic voice.
“Jenner teka-”
Nag-wave ako ng kamay.
“Parang… parang may cramps-”
PAGE 19
Napalingon siya agad.
“Luis?”
Lumubog ako dramatically.
“Jenner-”
“Hoy!”
Dahil committed ako, nagpanggap akong nagpapanic. Kaso ang problema, biglang may totoong malakas na alon.
“AY!”
Napunta ako sa mas malalim.
Marunong nga pala ako lumangoy, pero hindi ganun kagaling.
“LUIIIIS!”
Bigla akong nataranta nung totoong humigop ako ng tubig.
“TEKA LANG- ACK!”
Akala ko mamatay na ako, pero biglang hinawakan ni Jenner ang braso ko.
“Hoy! Relax!”
“Hindi ako makarelax!” Sunod sunod ang pag-ubo ko. “May tubig sa pagkatao ko!”
Hinila niya ako papunta sa mababaw habang halos nakapulupot na ako sa kaniya na para bang isang endangered species.
Pagdating namin sa pampang, humihingal ako habang nakahandusay sa buhangin.
Umuubo at nasusuka pa rin ako.
“Nalulunod ka ba talaga?!” hingal na tanong niya.
“Oo na yata?! Hindi ko na alam!”
“Akala ko nagbibiro ka lang!”
“Ako rin!”
Napaluhod siya habang humihingal. Tapos bigla niya akong hinawakan sa mukha.
“Huminga ka nang maayos.”
Yung hininga niya tumatama sa mukha ko.
“Nakakakita ka ba?” tanong niya. OA rin pala siya.
“Oo.”
“Ilang daliri to?”
“Abs mo.”
PAGE 20
“Luis!”
Natawa siya kahit halatang nai-stress pa rin.
Maya-maya, napansin niyang inuubo pa rin ako. Pero ayos na ako. Nakakatawa lang yung way ng pag-alala niya sa’kin, kaya tinuloy ko ang evil plan ko.
Umakto akong hinimatay. Kunwari namuti ang mata ko.
Bigla siyang nagpanic ulit.
“Teka… nakalunok ka ba ng tubig?”
“Konti-”
“Luis-”
Bago pa ko makareact, bigla niya akong hinawakan sa panga.
Yumuko siya. Doon ako tuluyang tumigil huminga.
“Mmph-?!”
Nag-mouth to mouth siya.
Yung labi niya nasa labi ko.
Nanlaki ang mata ko.
Huminto siya pagkatapos ng ilang segundo. Pareho kaming natulala at hinihingal.
Tapos bigla siyang namutla.
“…shit!”
Ako naman hindi makapagsalita.
“Sorry,” mabilis niyang sabi habang umaatras. “Reflex lang. Hindi ka pa naman mamamatay ’di ba?”
Tumikhim ako.
“Okay lang.”
Pero hindi talaga okay, kasi hanggang ngayon, ramdam ko pa rin yung labi niya.
Tahimik kami pareho. Yung alon lang yung gumagalaw sa pagitan namin.
Tapos dahil likas akong tanga sa moments na dapat seryoso, bigla kong sinabi, “Pwede pala akong malunod araw-araw.”
Napatingin siya sakin.
“Ang tanga mo.”
Tapos pareho kaming natawa.
PAGE 21
Habang pinapanood ko siya roon sa ilalim ng papalubog na araw, pula ang pisngi, at may ngiting hindi ko yata makakalimutan habambuhay… Naramdaman ko na talagang delikado na ko. Hindi na yata ’to yung kaya kong tawanan lang dahil hindi na ’to biro. Lalong hindi ko na rin kayang pigilan ang sarili ko.
“Hindi ko pa rin matanggap ang ginawa mo.”
Napangiwi ako habang naglalakad kami sa tabing dagat. Madilim na halos buong isla pero may mumunting ilaw sa laot mula sa mga bangkang nangingisda. Humahampas yung alon sa paa namin habang malamig yung hangin.
“Anong ginawa ko?”
“Maang maangan ka pa! Very bad ka.”
Natawa ako habang umiwas sa hampas niya.
Romantic sana yung gabi kung hindi ako gustong ipa-exorcise ni Jenner.
“Tingin mo magkaroon ako ng ganung moment kung hindi ako mabuting nilalang?”
Napalingon siya. “Anong moment?”
Ngumisi ako.
“Na-mouth to mouth mo ako.”
Halos madulas siya sa basang buhangin.
“Luis!”
“Ano? Totoo naman.”
“Akala ko emergency yun! Naisahan mo ako.”
“Pero nangyari pa rin.”
“Hindi ko ginusto yun!”
“Aray naman.”
Huminto siya sa paglalakad para harapin ako. Namumula na naman ang tenga niya.
At napansin ko na yata ang bagong hobby ko na pahirapan siya.
“Alam mo bang first time ko yun?” reklamo niya.
Natigil ako.
“…ha?”
Bigla siyang umiwas ng tingin.
PAGE 22
“Yung…” tumikhim siya. “Lips to lips.”
“Wait lang,” sabi ko habang natatawa. “First kiss mo ako?!”
“Hindi yun kiss!”
“Labi mo nasa labi ko.”
“RESUSCITATION YUN!”
“Resuscitation with feelings.”
“Luis!”
Tawang-tawa na ko habang naglalakad paatras sa harap niya.
“Hindi ko matanggap,” reklamo niya ulit habang hinihimas noo niya. “Buong buhay ko iniingatan ko sarili ko tapos mawawala lang dahil sa isang lalaking nagdrama sa dagat.”
“Uy grabe ka naman sa nagdrama.”
“UMAARTE KA PA KASI!”
“Eh naging totoo.”
“MAS LALONG NAKAKAINIS!”
Napahawak ako sa dibdib ko habang tumatawa.
Ang cute niya kapag stressed. Mukha siyang mabait na seminarista na isang hakbang nalang away from homicide.
“Sorry na,” sabi ko kahit hindi convincing kasi hindi mawala ang ngiti ko. “Ayos lang yun.”
“Anong ayos lang?!”
“Close naman kayo ng mga santo. Indulgence plenary ka agad doon.”
Tumigil siya saka tumingin sakin. Tapos biglang lumusot ang tawa niya.
“Hindi ka talaga marunong sumeryoso, Luis!”
Naglakad pa kami nang konti habang basa pa rin ang buhok namin mula sa dagat, pero yung utak ko hindi pa rin stable. Kasi every few seconds, bumabalik sa isip ko yung moment na yun. Hindi ko yata yun makakalimutan kahit magka-dementia ako.
Huminto kami sa may malaking bato malapit sa dalampasigan.
Doon kami umupo. Tahimik yung paligid. Malayo yung ingay ng karaoke sa isla. Rinig lang namin yung alon at hangin.
Hindi ko alam bakit sobrang gaan kasama ni Jenner. May mga tao nga yata na sapat nang katabi mo para gumaan ang mundo mo.
PAGE 23
Tumingin ako sa kaniya.
Nakatingin siya sa laot.
“Anong iniisip mo?” tanong ko.
“Mmm.”
“Deep.”
“Malamig.”
“Mas deep.”
Tumawa siya, pero saglit lang. Pagkatapos nun, bumalik ulit yung tingin niya sa dagat. Doon unti-unting nag-iba yung katahimikan. Napansin ko rin na parang may gusto siyang sabihin.
“Minsan…” mahina niyang simula.
“Hm?”
“Minsan natatakot ako.”
Napalis ang ngiti ko. Hindi dahil dramatic yung sinabi niya. Dahil first time kong marinig yun mula sa kaniya.
Lagi kasi siyang composed. Kahit may bagyo, mukhang kaya pa rin niya magbigay ng advice tungkol sa inner peace. Pero ngayon, may kakaiba sa boses niya.
“Saan?” tanong ko.
Hindi siya agad sumagot. Nakatingin lang siya sa dagat. Tapos mahina niyang sinabi.
“Paano kung hindi pala ito yung gusto ko?”
Napakurap ako.
“Yung pagkapari?”
Dahan-dahan siyang tumango. Doon ko unang nakita yung bigat na dala niya. Nakikita ko siya hindi bilang seminarista, kundi isang lalaking nalilito at takot.
“Mula bata kasi…” tumawa siya nang mahina pero malungkot. “Parang iyon na yung direksyon ng buhay ko.”
“Pinili para sayo?”
“Hindi naman forced.” Bumuntong-hininga siya. “Pero kapag matagal mo nang ginagawa ang isang bagay, minsan hindi mo na alam kung gusto mo ba talaga o sanay ka lang.”
Tahimik ako, kasi ramdam ko yung bigat nun. Hindi ko alam bakit gusto kong yakapin siya bigla, dahil parang first time niyang may pinapakitang lamat.
PAGE 24
Gusto kong sabihin na okay lang. Na hindi siya masamang tao dahil nalilito siya at pwede siyang matakot.
“Kapag tinitingnan ka nila rito…” sabi ko, “parang sure na sure sila sa future mo.”
“Yun nga ang kinakatakot ko.”
Napalingon siya sakin.
Mahina yung ilaw mula sa malayong mga bahay pero sapat para makita ko ang mata niya.
“Paano kung hindi pala ako para doon?”
Hindi ko agad nasagot. Kasi ang totoo? Ayokong maging para doon siya. Ayokong maging pari siya. At habang tumatagal, mas lumalala rin yung selfish part ng puso ko na gustong hilingin yun.
“Kung hindi ka maging pari…” maingat kong tanong, “anong gusto mo?”
Natawa siya nang mahina.
“Hindi ko alam.”
“Mabuti pa pala ako. Kung hindi ako naging teacher, alam ko kung ano ang gusto ko.”
Napalingon siya.
“Ano?”
Tinitigan ko siya.
Then before pa makapag-isip yung natitira kong common sense…
“Ikaw.”
Napatingin ako agad sa dagat.
Pero hindi siya agad nagsalita. Kaya napalingon ulit ako. Nakita ko siyang nakatitig sakin. Hindi siya galit o na-awkward. Parang… affected.
Maya-maya, natawa siya, pero halatang may tinatago.
“Grabe ka talaga,” bulong niya.
Hindi na siya ngumiti pagkatapos nun. Para bang may naiwan sa hangin na pareho naming narinig.
“Sorry. Minsan kasi nauuna bibig ko bago ang survival instinct.”
“Napapansin ko.”
Pero hindi siya lumayo. Hindi rin niya pinatigil yung tingin niya sakin. Doon nagsimulang maging mapanganib yung katahimikan.
PAGE 25
Kasi biglang wala nang biro at tawanan.
Kami nalang.
At yung paraan ng pagtitig niya sakin na parang may gustong sabihin pero hindi niya kaya.
Unti-unti siyang lumapit.
Hindi ko alam kung gumalaw ba talaga siya o ako yung hindi makahinga, pero biglang sobrang lapit na niya. Rinig ko na paghinga niya.
Bago pa ko makapag-isip, napatingin siya sa labi ko.
Unti-unti kaming naglapit nang dahan-dahan, parehong takot gumalaw nang mabilis.
Isang pulgada nalang. Konting galaw nalang. Alam kong maghahalik kami.
Ramdam kong gusto niya rin. Nakikita ko sa mata niya yung conflict sa pagitan ng takot at gusto.
Pero bago pa tuluyang magdikit ang labi namin…
DONGGGGG!
Tumunog nang malakas ang kampana ng simbahan. Pareho kaming napaatras agad.
Huminga ako nang mabilis habang nakatitig lang siya sakin. Gulo-gulo yung expression niya. Tapos tumingin siya sa malayong simbahan.
Ako rin.
Sumunod ang mabigat na katahimikan.
Parang pinaalala ng kampana na may mga matang nakamasid na mas malaki kaysa samin.
Pagkatapos nun, may nagbago. Hindi namin pinag-usapan at inamin ngunit pareho naming naramdaman.
May mga bagay talagang hindi mo namamalayang lumalala na pala habang masaya ka. Tulad ng alak o di kaya utang. Higit sa lahat, parang feelings ko para kay Jenner.
Hindi namin namalayang nasanay na pala kami sa isa’t isa. Sabay manood ng dagat gabi-gabi na parang dalawa kaming retired old men na maraming regrets sa buhay. Sabay rin maglinis ng chapel at maglakad pauwi kahit magkaibang direksyon naman ang bahay namin technically.
“Luis, abot mo nga yung basahan.”
“Inuutusan mo ko masyado. Asawa mo ba ko?”
Tahimik si Jenner habang nagpupunas ng altar. Tapos walang emosyon siyang sumagot.
PAGE 26
“Ikaw tong ayaw umuwi.”
Natahimik ako, kasi totoo naman. Isang oras na kaming tapos maglinis ng chapel, pero eto pa rin ako. Nagpupunas ng kung anu-ano para lang manatili dito.
“Dedicated kasi ako sa simbahan,” depensa ko.
Napalingon siya sakin, tapos ngumiti. Alam niyang nagsisinungaling ako, pero cute ako kaya pagbibigyan niya.
Kinahapunan, biglang dumating si Jenner sa bahay ni Lola.
Nagmeryenda kami.
Nakaupo kaming tatlo sa sala habang nanonood si Lola ng teleserye na puro sampalan.
“Tingnan mo yan,” sabi niya habang tumuturo sa TV. “Yan ang napapala sa mga kabit.”
“Noted po,” sagot ko.
“Bakit parang guilty ka?”
“Wala po akong energy para mag-cheat. Isang tao nga lang hindi ko ma-maintain.”
Tumawa si Lola.
Si Jenner naman tahimik lang habang ngumunguya ng turon.
Tapos biglang nagsalita si Lola habang nakatingin kay Jenner.
“Hindi nga kayo mapaghiwalay nung bata pa kayo.”
Napangiti ako.
“Totoo.”
“Kung saan si Jenner, andun ka rin. Minsan akala ko talaga buntot ka niya kasi sinusundan mo yan kahit saan.”
“Opo. Loyal ako.”
“Hanggang ngayon naman.” Tumingin siya samin pareho. “Nakakatuwa naman na katulad pa rin kayo nung dati.”
Ngumiti lang ako, pero yung sumunod niyang sinabi, biglang bumigat ang hangin.
“Siguro, kung di lang magpapari si Jenner, baka mag-asawa na kayo ngayon.”
Napatawa ako agad.
“Lola naman!”
Pero si Jenner… tumahimik. Yun agad ang napansin ko. Hindi siya tumawa ni umiwas agad. May kung anong dumaan sa mukha niya. Mabilis lang, pero nakita ko, dahilan para biglang bumilis tibok ng puso ko.
PAGE 27
Doon ko naramdaman kung gaano kapanganib yung mga bagay na hindi namin sinasabi.
Kaya siguro lalo akong nainis nang dumating sa eksena ang isang choir member, si Angela.
Mahaba ang buhok niya, mestisa, at sobrang komportable ngumiti kay Jenner.
Tumatawa siya kahit hindi naman funny sinabi ni Jenner. Laging…
“Ay ako na mag-encode ng mga misalletes, Father… este Jenner!”
Siyempre mabait si Jenner, kaya nginingitian niya. Kinakausap rin saka tinutulungang ipractice ang tono ng mga kakantahin sa misa.
Habang ako nasa gilid parang bitter na asawa sa teleserye.
“Selos ka?”
Napalingon ako kay Edmund, choir member din na biglang tumabi sakin.
“Ha? Hindi ah.”
“Sure?”
“Oo.”
“Tigas ng panga mo eh.”
Hindi ako sumagot, kasi nakakabwisit. Wala naman akong karapatan magselos. Hindi kami. Wala kaming label o kahit ano, pero hindi ibig sabihin nun kaya kong pigilan ang sarili ko.
Kinagabihan, nagbrownout sa buong isla. Nagsigawan agad ang mga bata sa labas.
“BROWNOUTTT!”
Parang fiesta.
Mainit sa loob ng bahay kaya lumabas ako. Syempre, nandoon si Jenner sa may dalampasigan. May telepathy na yata kami.
Humiga kami sa buhangin habang nakatingin sa langit. Ang daming bituin. At dahil brownout, sobrang tahimik ng buong isla. Rinig lang ang alon pati paghinga namin.
“Masaya ka ba?” tanong ko.
Matagal siyang hindi nakasagot.
“Hindi ko alam,” mahinang sabi niya.
Napalingon ako sa kaniya.
“Sa pagkapari?”
Huminga siya nang malalim.
“Hindi.”
PAGE 28
Tumingin siya sa langit.
“Sa sarili ko.”
Ramdam ko yung lungkot sa boses niya.
Matagal siyang tahimik. Akala ko hindi na siya magsasalita. Tapos mahina siyang huminga.
“Kapag kasama kita…” pagpapatuloy niya.
Tumigil siya, nagdadalawang-isip. Tapos…
“Tahimik yung utak ko.”
May humigpit sa dibdib ko kaya pilit akong nagbiro.
“Delikado yang sinasabi mo.”
Napalingon siya sakin. Sa dilim, kita ko pa rin yung mata niya.
“Alam ko.”
Napalunok ako. Wala akong maisip na joke. Masyadong payapa ang puso ko sa sandaling ’to na kaming dalawa lang. Habang sa pagitan namin yung mga bagay na pareho naming alam pero walang gustong sabihin nang diretsahan.
Unti-unti siyang bumaling sakin, parang takot. Ako rin yata, pero hindi ako gumalaw. Kasi kung lalayo ako, baka habambuhay kong pagsisihan. At nang magtagpo ang mga mata namin, tuluyang naputol ang huling piraso ng pagpipigil sa pagitan naming dalawa.
Dahan-dahan siyang lumapit. Ramdam ko ang panginginig ng kamay niyang bahagyang dumampi sakin.
Yung mata niya, paulit-ulit bumababa sa labi ko bago babalik sa mga mata ko.
“Jenner…” mahina kong bulong.
Doon siya tuluyan nasira. Marahan niyang hinawakan ang pisngi ko. Unti-unti siyang yumuko.
Nang magdikit ang labi namin, tumigil ang mundo. Ang lambot ng labi niya, pero punong-puno ng takot.
Napapikit ako habang bahagya akong gumanti. Naramdaman kong humigpit nang kaunti ang daliri niya sa pisngi ko.
Hindi ko alam kung alin ang mas malakas. Yung alon ba o yung kaba sa dibdib naming dalawa.
PAGE 29
Hindi siya agad umatras at nanatili kami roon. Magkadikit ang noo at magkahalo ang paghinga.
Hindi ko alam gaano katagal yun. Baka segundo lang, pero pakiramdam ko, may nagbago na pagkatapos nun.
Nang matauhan siya, bigla siyang umatras.
“Hindi dapat.”
Humihingal siya. Magulo ang buhok at magulo rin ang mga mata niya, pero sa kabila nun, mas gusto ko pa rin siya.
“Pero gusto mo.”
Napapikit siya.
Nakita ko kung gaano siya katakot.
“Luis…” halos pabulong niyang sabi.
“Wag mo akong pahirapan.”
Kinabukasan, parang walang nangyari.
Maingay pa rin ang mga bata sa labas ng chapel. May choir practice sa gilid habang si Sister Dolores nakikipag-away na naman sa electric fan na ayaw umikot.
At si Jenner? Biglang naging allergic sakin.
“Jenner, abot mo nga yung charger nung speaker.”
Inabot niya agad nang hindi tumitingin.
“Salamat.”
Tumango lang siya, kaya napakunot noo ako.
Okay, weird. Usually kasi may kasamang… “Wag mo sakalin leeg mo niyan.” o kaya, “Kanina ka pa lutang.”
Ngayon? Wala. Parang may invisible wall na biglang tumubo overnight.
Habang nag-aayos kami ng upuan para sa misa bukas, pansin kong tahimik siya. Hindi yung peaceful niyang tahimik ha. May iniisip siyang ayaw ilabas.
“Hoy.”
Napalingon siya sakin.
“Galit ka ba?”
Hindi siya agad sumagot. Tuloy lang sa pag-aayos ng upoan.
“Hindi.”
PAGE 30
Pero hindi rin siya tumingin sakin.
“Anong problema?”
“Wala.”
Ay wow. Santo pero marunong pala mang-gaslight.
Tiningnan ko siya nang matagal.
“Sure?”
“Luis,” mahinahon niyang sabi habang inayos yung huling upoan. “Pwede bang hindi lahat gawing issue?”
Aray. Hindi naman masakit. Mga tatlong beses ko lang ireplay sa utak ko mamaya.
Napaatras ako nang konti.
“Okay.”
Tahimik ulit pagkatapos nun.
Maya-maya, dumating si Angela.
“Jenner!” masyado niyang masayang bati habang may inaabot na bottled water. “Para sa’yo. Kanina ka pa pinagpawisan.”
Ngumiti si Jenner.
“Thank you.”
Doon ako lalong nainis. Kasi sakin buong umaga monosyllabic replies lang siya. Tapos kay Angela may smile package with customer service tone.
Nag-init ang dibdib ko.
“Magwawalis lang ako doon sa Parish Hall,” sabi ko kahit wala namang nag-uutos.
Hindi ako lumingon pag-alis ko.
Pagdating ko sa Parish Hall, saka ko lang narealize na hindi naman talaga ako galit. Nasaktan lang. Kasi kahapon lang hinahalikan niya ko na parang ako pinakamahalagang tao sa mundo. Tapos ngayon parang istorbo ako.
Doon ko unang narealize. Kapag nahihirapan si Jenner… bigla siyang lumalayo. Kahit gaano siya kaperfect sa ideya ko, alam rin pala niya kung paano manakit.
Pagbalik ko sa chapel, nadatnan kong mag-isa nalang siya sa gilid habang nag-aayos ng kandila.
Hindi ko siya pinansin. Petty? Oo. Bahala siya sa buhay niya.
Lumipas ang limang minuto bago siya nagsalita.
PAGE 31
“Luis.”
Hindi ako lumingon.
“Ano.”
Tahimik muna siya.
Tapos mahina niyang sabi, “Hindi ako galit sayo.”
“Congrats.”
Narinig ko ang paghinga niya.
“Hindi ko lang…” huminto siya. “Hindi ko alam paano kumilos pagkatapos kagabi.”
Doon ako napalingon.
At unang beses, mukhang hindi composed si Jenner.
Pagod ang mata niya. At may frustration sa mukha niya na hindi bagay sa taong lagi kong nakikitang kalmado.
“Kanina,” mahinang sabi niya, “nung kinakausap ka ni Edmund…”
Naputol siya.
Nanlaki ang mata ko.
“…nagselos ka?”
Namula ang tenga niya agad.
Hindi siya sumagot. Which means oo.
At ewan ko kung bakit sobrang gumaan ang pakiramdam ko nang marinig yun.
Pero bago pa ko makangiti, tumingin siya sakin nang diretso.
“Ayaw ko yung pakiramdam.”
Doon nagsimula ang pinakamagandang kasalanan ng buhay ko.
CHAPTER 4
Pagkatapos nung halik na iyon, may nagbago sa hangin sa pagitan namin ni Jenner. Hindi naman kami naging official. Wala ring aminan kung anong meron kami. Kasi pareho yata kaming takot sa sagot.
Ngunit may mga bagay na hindi na kailangang pangalanan para maging totoo. Katulad ng paraan ng mas matagal at malambot niyang pagtitig sakin o ng puso kong unti-unting nasasanay na siya yung hinahanap.
Page 32
Parang may kulang agad kapag wala siya. At mas nakakatakot? Pakiramdam ko, ako rin yung hinahanap niya.
At doon ako natatakot. Ang dali niyang gawing tahanan ang kahit anong lugar.
Siguro kaya napapansin na rin ng ibang tao.
“Luis!”
Napalingon ako kay Lola mula sa kusina habang nagpapaypay siya dahil brownout na naman.
“Bumili ka nga ng yelo! Baka masira yung mga isda sa ref!”
“Opo!”
Mainit sa buong bahay. Kaya agad akong lumabas, habang nagrereklamo internally sa Meralco kahit wala naman silang linya sa isla.
“Hoy.”
Napalingon ako habang bumibili ng yelo sa tindahan.
Nakatayo si Jenner sa likod ko, bagong ligo, basa pa ang buhok.
“Ako na magbubuhat,” sabi niya habang inaabot yung supot na sinidlan ng yelo.
“Kaya ko naman.”
“Apat na kilo yan.”
“Teacher ako.”
“Anong connect?”
“Emotionally strong ako?”
Napailing siya, pero lumusot ang tawa niya.
Hinawakan niya yung kabilang side ng supot.
Ako sa isa.
Siya sa isa.
Sabay kaming naglakad pauwi.
Habang naglalakad kami sa makitid na daan, sumasagi minsan ang balikat niya sakin. Minsan din yung braso at kamay namin.
Bakit mas nakakakilig pa ’to kaysa sa halik? Nagbubuhat lang naman kami ng yelo, pero may sariling heartbeat yung pagitan namin.
“Masama ang tingin nung tindera satin,” bulong ko.
“Bakit?”
PAGE 33
“Mukha raw tayong bagong kasal na namimili para sa handaan.”
Napalingon siya sakin.
“Lahat nalang may scenario ka.”
“Creative writer ako sa utak.”
“Delikado utak mo.”
“Depende kung sino ang dahilan.”
Habang naglalakad kami, mas lalo kaming nagkadikit. Habang ina-adjust ko hawak ko sa supot, nagkasabay ang kamay namin sa hawakan. Pareho kaming natigilan. Mabilis dapat akong bumitaw. Siya rin. Pero walang bumitaw.
Naramdaman ko yung daliri niya. Bahagyang nanginginig. Nang dahan-dahan akong mapalingon sa kaniya, nakatingin na pala siya sakin.
Hindi siya umiimik. Pero kahit walang nagsasalita, alam naming pareho na hindi na ’to simpleng pagkakaibigan lang.
Unti-unting natutunaw yung yelo sa supot habang tahimik kaming naglalakad sa ilalim ng brownout-dark na kalangitan.
Lalo kong naramdaman yung init ng kamay niya sa kamay ko.
Hindi siya humihigpit pero hindi rin umaalis.
Dumadalas na rin ang mga midnight walks namin sa dagat.
Minsan wala naman talaga kaming pupuntahan. Gusto lang naming magkasama.
Wala mang katiyakan kung ano ang nakahandang bukas ang naghihintay sa amin, pero bahala na.
“Luis.”
Napalingon ako kay Lola Trinidad habang nagtatanggal ako ng dahon ng malunggay sa kusina.
“Hm?”
Tahimik muna siya habang hinihiwa yung isda.
“Mabait na bata si Jenner,” kaswal na sabi niya bigla.
“Opo.”
“Bihira yung ganyang klase ng tao.”
Tumango ako, kasi totoo naman.
“Malaki ang sakripisyo ng mga taong pumapasok sa simbahan,” dagdag niya.
PAGE 34
Napahinto ako.
Hindi siya nakatingin sakin, pero ramdam kong para sakin yung sinasabi niya.
“Hindi lahat ng gusto nila… pwede.”
Humigpit ang hawak ko sa mangkok.
“Lola…”
“Wala akong sinasabing masama,” mabilis niyang putol. “Nagpapaalala lang.”
Bumigat ang paghinga ko. Kasi alam ko naman ang ibig niyang sabihin. May mga linyang hindi dapat tawirin. At isa si Jenner doon.
“Magkaibigan lang po kami ni Jenner,” pilit kong maging kaswal.
Tumango siya, pero yung tingin niya, hindi naniwala.
Pakiramdam ko nagdududa na rin ang buong isla. Tuwing nakakasalubong namin ang ibang kababata, panay ang kantiyaw nila.
“Seminarista pala type mo ah!”
“Father-in-law mo si Lord!”
Hindi ko alam kung matatawa ako o lulubog sa lupa. Pero si Jenner? Namumula lang lagi tapos tatawa nang mahina. Hindi rin siya nagde-deny minsan.
Kaya lalo akong naging tanga.
May liga ngayon sa covered court at dahil bida-bida akong tao, sumali ako.
Mostly dahil nanonood at nagre-record ng score si Jenner. Nasa score board siya, hawak ang chalk habang kinakausap yung mga bata na nakatayo malapit sa kaniya.
“LUIIIIS!”
Sigaw ng tropa ko.
“Pasok ka na!”
Dahil gusto kong magmukhang impressive, nag-init ako na parang NBA rookie.
“Pre kalmahan mo,” sabi ni Mark habang nagsho-shooting kami. “Liga lang to.”
“Hobby ko ’to. Coach nga ako ng basketball sa District Meet.”
“…ah. Gets.”
Pagstart ng laro, todo effort ako. Todo ang defense ko, sabay takbo. Pinagpawisan ako pero dapat powerful ang porma. Lahat na. Tapos dumating yung moment ko.
Open ako sa tres.
Narinig ko pa sigaw ng tropa.
PAGE 35
“SHOOT MO YAN!”
Napatingin ako kay Jenner. Nakatitig siya sakin. Ngumiti siya. Dahil tanga ako kapag kinikilig, tumira ako.
Sobrang mintis. As in hindi man lang tumama sa ring.
At dahil humahabol pa ko paatras, natapakan ko yung basang tae ng aso sa gilid ng court.
Dahil sa biglaang pag-ilag. Dumulas ako. Tumambling saka literal na humandusay sa semento.
Tahimik buong covered court.
Then…
“PUTANGINA HAHAHAHAHA!”
Nagtawanan lahat. Kasama yung mga batang hindi pa nga dapat nagmumura.
Humahangos akong bumangon habang may tae sa sapatos ko at sugat sa pride ko.
Gusto ko nalang magpalamon sa dagat.
Tumakbo agad si Jenner papunta sakin.
“Okay ka lang?”
“Oo.”
“Sure?”
“Strategy yan.”
Napakunot noo siya.
“Anong strategy?”
Tumikhim ako habang pilay-pilay kunwari.
“Sympathy points.”
Tatlong segundo siyang nakatitig sakin. Tapos natawa siya.
“Abnoy ka talaga, Luis.”
Natawa rin ako sa katangahan ko.
Worth it ang kahihiyan, kahit may tae akong natapakan.
Kasi sa mga sandaling ganun ko pinaka-nakakalimutan yung katotohanang unti-unti nang nauubos yung oras namin.
Habang tumatagal, mas lumalala rin yung takot ko. Kasi mas nakikita ko yung parte ni Jenner na hindi kayang tapatan ng kahit anong landi ko.
Pagkatapos nun, ilang araw ko siyang pinanood nang tahimik.
PAGE 36
Kung paano siya makisama sa tao. Kung paano siya ngumiti. Kung paano siya bumalik sa simbahan na para bang doon talaga siya pinaka-buo.
One night, nadatnan ko siya mag-isa sa chapel. Nakaluhod siya sa harap. Walang audience. Siya lang at yung paraan ng pagdarasal niya na hindi performative o fake para magmukhang mabuti. Totoong kinakausap niya ang Diyos.
Doon ko naintindihan. Hindi si Angela yung kalaban ko. Kalaban ko yung calling niya.
Paano ka magseselos sa Diyos? Paano mo lalabanan ang isang bagay na nagbibigay ng kapayapaan sa taong mahal mo?
Wala akong naisagot kahit sa sarili ko.
Tahimik akong umupo sa tabi niya matapos siya magdasal. Hindi kami agad nagsalita.
“Paano kung piliin mo ang sarili mo,” mahina kong sabi.
Napapikit siya.
At nang tumingin siya sakin, punong-puno ng pagod yung mga mata niya.
“Paano kung Diyos yung sarili ko?”
Natahimik ako.
Hindi ko matalo ang isang bagay na hindi ko nakikita. Paano mo aagawin ang taong matagal nang nakalaan sa langit?
May mga pagkawala palang hindi biglaan o dramatic. Minsan paunti-unti, hanggang sa mapapansin mo nalang na hindi na sila katulad ng dati.
Unang linggo, inisip kong busy lang si Jenner. Normal lang naman. Mas madalas siya sa simbahan kasi papalapit na ang ordination niya. May mga seminars at retreat din siyang daluhan.
Gets ko yun. Pero habang tumatagal…parang unti-unti siyang lumalayo.
Hindi na siya sumasama sa dagat. Kapag niyayaya ko siya maglakad…
“Pagod ako.”
Kapag kinakausap ko.
“Mamaya na.”
“May aasikasuhin lang.”
“Sorry.”
Maikli na replies niya. Maikli na rin yung tingin niya sakin. Yung dating automatic niyang pagngiti kapag nakikita ako… parang pilit na minsan.
Doon unti-unting nangyayari ang mga bagay na kinakakatakutan ko.
PAGE 37
“Kuya Luis!”
Napalingon ako sa batang may hawak na holen.
“Nakita ko sa chapel si Kuya Jenner.”
Automatic akong ngumiti. Tatlong araw ko siyang ’di nakita.
“Talaga?”
“Oo. Kanina pa.”
Tumakbo ako papunta simbahan nang hindi man lang nag-iisip. Pagdating ko roon, naabutan ko siyang kausap si Father Miguel.
Tahimik lang ako sa may pintuan habang naghihintay. Tapos biglang napatingin siya sakin.
Hindi siya lumapit. Maliit na bagay lang dapat yun, pero buong gabi ko iyong dala.
Kinagabihan, nasa dagat ako mag-isa. First time after weeks. Dati kasi lagi kaming magkasama rito. Ngayon parang may kulang sa buong lugar. Tahimik na masyado.
Napabuntong-hininga ako habang nakatingin sa laot.
Then narinig ko yapak niya sa likod ko.
“Luis.”
Lumingon ako.
Nakatayo siya roon, hinihipan ng hangin yung buhok niya.
Mahal ko yata talaga siya. Kahit sinasaktan na niya ko, gumagaan pa rin ang pakiramdam ko kapag nakikita ko siya.
“Akala ko busy ka,” sabi ko.
“Hindi ako makatulog.”
Tapos lumapit siya, pero hindi katulad dati, may distansya na. Doon ako napuno.
“Iniiwasan mo ba ko, Jenner?”
Natigilan siya.
“Hindi.”
Natawa ako nang walang humor.
“Sinungaling ka.”
“Luis…”
“Ano?”
Humigpit ang panga niya.
PAGE 38
“Ayaw ko makipag-away.”
“Eh anong gusto mo?” napalakas ang boses ko. “Parang multo nalang kitang nakikita nitong mga nakaraan!”
Tahimik siya. Mas lalo akong nasaktan doon. Ngayon may pader na agad.
Lumapit ako.
“Ano ba tayo?”
Napapikit siya.
“Yun nga ang problema,” mahina niyang sabi. “Hindi ko alam.”
May dumurog agad sa dibdib ko. Hindi ko alam bakit sobrang sakit marinig nun. Siguro kasi buong time akala ko… pareho kami. Na kahit bawal, kahit mali, may kami.
Pero siya, mukhang hindi niya kayang pangalanan o baka ayaw niya talaga.
“Sabihin mo nalang kung ayaw mo na,” pilit kong sabi kahit namamaos na boses ko.
Mabilis siyang napatingin sakin.
“Hindi yun.”
“Eh ano?”
Nakayuko lang siya.
Yung katahimikan niya, parang kutsilyo. Tapos bigla siyang tumalikod. Hinilot niya ang mukha niya gamit dalawang kamay.
Nanginginig siya.
“Luis…”
Huminga siya nang malalim. Tapos mahina siyang nagsalita.
“Araw-araw akong nagdadasal na mawala to.”
Napatitig ako sa likod niya.
“Ano?”
Matagal bago siya sumagot. At nung sumagot siya, piniga ang puso ko.
“…ikaw.”
Hindi ako nakagalaw ni makahinga.
Hindi ko alam bakit mas masakit marinig na mahal ka ng tao kaysa marinig na hindi ka mahal.
Kasi ramdam ko sa boses niya na mahal niya rin ako.
Dahan-dahan siyang humarap sakin. Umiiyak siya.
PAGE 39
Halos hindi ko siya nakitang mawalan ng composure kahit kailan. Pero ngayon, tahimik yung luha niya, pero ramdam ang sakit.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko,” garalgal niyang sabi. “Kapag kasama kita… masaya ako. Kaya bakit parang mali?”
“Hindi tayo mali.”
Natawa siya nang mahina, ngunit wasak.
“Hindi ganun kasimple para sakin.”
“Eh gawing simple.”
“Hindi pwede.”
“Bakit hindi?”
Bigla siyang napatingin sakin. Punong-puno ng takot yung mga mata niya.
“Kasi buong buhay ko nakaayon dito.”
Natahimik ako.
“Lahat.” Nanginginig ang boses niya. “Lahat ng desisyon ko mula bata… papunta rito.”
Naalala ko yung kwento niya. Grade 3 palang nasa seminaryo na. Habang ako natutong mandaya sa teks, siya natutong magrosaryo.
Habang ako nagpapalit ng crush kada buwan, siya tinuturuan nang ialay ang buhay niya sa Diyos.
“Natatakot ako,” bulong niya. “Paano kung sayangin ko lahat?”
“Hindi masasayang kung magiging masaya ka.”
“Paano kung hindi sapat yun?”
Hindi ko alam ang sagot.
“Natatakot akong talikuran Siya,” mahina niyang sabi.
“Talikuran sino? Ang Diyos?”
Tumango siya.
Paano ako lalaban doon? Paano ako makiusap na piliin niya ako? Kung yung kapalit nun pakiramdam niya mawawala rin ang sarili niya?
Tahimik kaming dalawa habang hinihipan ng hangin yung pagitan namin.
“Paano kung hindi ako tukso?” mahina kong tanong.
Napapikit siya. Para bang mas masakit pa yung tanong kaysa sa sagot. Nung muling dumilat, mas nasaktan siya lalo.
PAGE 40
“Mas mahirap.”
Pero paano kapag mahal mo talaga?
Lumapit ako sa kaniya. Takot din. Hinawakan ko ang mukha niyang basang-basa ng luha.
“Jenner…”
Napapikit siya sa hawak ko. Naramdaman ko kung gaano siya kapagod lumaban sa sarili niya.
Hindi pala sapat ang mahal ka ng mahal mo. Minsan, kahit mahal ka rin… kailangan ka pa ring iwan.
Fiesta ngayon. Maingay, makulay at buhay na buhay ang lahat. Pinakamasayang gabi dapat ng buong barangay.
May disco sa plaza. May mga batang naghahabulan hawak ang sparklers habang ang mga lasing na tito sumasayaw ng Spaghetti Song na parang may sariling multiverse. May ihaw-ihaw rin sa gilid.
Masaya lahat. Kami lang yata ni Jenner ang hindi.
“Luis! Shot!”
Inabot sakin ni Tito Nanding yung baso ng gin. Tinanggap ko agad. Kailangan ko yata talaga uminom ngayon.
“Ang tahimik mo ah,” sabi niya. “Kala ko ikaw pinaka-maingay rito.”
Ngumiti lang ako. Kasi paano ba ko magiging maingay kung pakiramdam ko may dahan-dahang namamatay sa loob ko?
Napatingin ako sa kabilang dulo ng plaza.
Nandoon si Jenner. Nakatayo sa gilid ng chapel habang kinakausap ng matatanda. Paminsan-minsan, napapatingin siya sakin, pero pareho kaming mabilis umiwas.
Bandang alas-onse, nagsimula ang fireworks. Nagtilian ang mga bata habang nagsisiliparan yung ilaw sa langit. Lahat nakatingala.
Maya-maya, naramdaman kong may tumabi sakin. Hindi ko na kailangan lumingon para malaman kung sino.
“Ang ingay.”
Napangiti ako nang kaunti.
PAGE 41
“Fiesta eh.”
Tahimik ulit.
“Tara sa dagat.”
Saglit akong natahimik bago tumango.
Siguro pareho naming alam na hindi namin kakayaning magpaalam sa gitna ng ingay at ilaw ng pista.
Naglakad kami papunta dagat habang palayo nang palayo yung ingay ng barangay.
Unti-unting humina yung karaoke at tawanan. Hanggang sa alon nalang ulit naririnig namin.
Parang bumalik kami sa umpisa. Kami lang at yung dagat. Pero iba na ngayon. Alam naming malapit na matapos, habang paparating na ang ordination niya.
Hindi kami agad nagsalita. Magkatabi lang kaming naglalakad sa buhangin. Paminsan-minsan, tumatama ang braso namin sa isa’t isa.
Habang palapit kami sa malaking bato, mas lalo kong nararamdaman yung bigat sa pagitan namin.
Bawat hakbang, papunta na sa bagay na pareho naming matagal iniiwasan sabihin.
Huminto kami sa dati naming pwesto malapit sa malaking bato. Yung lugar kung saan una niya kong muntik halikan. Kung saan kami tumatawa dati at naging totoo lahat. Ngayon parang ibang mundo na.
Matagal bago siya nagsalita.
Akala ko hindi na niya babasagin yung katahimikan.
“Wala akong galit sa’yo.”
Bigla akong napatingin sa kaniya.
Nakatingin lang siya sa dagat, pero mabigat ang boses niya.
“Alam ko.”
“Hindi rin kita iniiwasan dahil ayoko sayo.”
Mas sumakit, kasi alam ko rin.
Kung hindi niya ako mahal, mas madali sana. Mas madali sana kung sinaktan niya nalang ako. Kaysa yung mahal niya ako pero kaya niya pa ring umalis.
“Kapag pinili kita…” mahina niyang sabi. Huminga siya nang malalim bago tumuloy. “Natatakot akong sisihin ka balang araw.”
PAGE 42
Tahimik ako kasi totoo naman. Paano kung piliin niya ko tapos isang araw magising siyang nami-miss niya yung buhay na iniwan niya? Paano kung habang tumatanda kami, unti-unti niya akong tingnan bilang dahilan kung bakit niya tinalikuran ang calling niya?
Kahit anong mahal niya sakin ngayon, hindi sapat yun laban sa resentment.
“Hindi kita pipilitin,” pilit kong sabi kahit parang may bakal sa lalamunan ko.
Napapikit siya. Parang lalo siyang nasaktan doon.
“Pero gusto kita, Luis.”
Tumango ako.
“Alam ko.”
Huminga siya nang malalim. Tapos bumulong siya.
“Sobra.”
Hindi ko kinaya. Napayuko ako habang pilit ngumiti kahit nangingilid na ang luha sa mata ko. Kasi yun yata ang pinakamasakit na parte ng pagmamahal. Yung malaman mong totoo. Na mahal ka naman talaga sana, pero hindi pa rin sapat para manatili siya.
Lumapit siya sakin nang dahan-dahan. Naroon ang takot sa bawat hakbang. Nung nasa harap ko na siya, hinawakan niya ako sa mukha.
At yung tingin niya, parang gusto niya kong tandaan habambuhay.
“Sorry,” bulong niya.
Napailing ako agad.
“Wag.”
“Luis…”
“Wag kang magsorry na minahal mo ko.”
Doon tuluyang tumulo ang luha niya. Walang hikbi pero mas masakit.
At dahil marupok akong tao, hinawakan ko rin mukha niya. Pinunasan ko ang luha niya gamit ang hinlalaki ko.
“Kung pwede lang…” mahina kong sabi.
Napatawa siya nang wasak.
“Yun nga eh.”
Kung pwede lang sana dumating ako sa buhay niya bago pa siya ialay sa simbahan. Pero hindi eh.
PAGE 43
Biglang may sumabog ulit na fireworks sa langit. Mas malakas at mas makulay kaysa sa nauna.
Namukadkad yung pula at gintong ilaw sa ibabaw ng dagat habang mula sa malayo, rinig namin yung hiyawan ng buong barangay.
Final stretch ng pista. Huling bugso ng saya bago matapos ang gabi.
Nakatitig lang ako kay Jenner habang kumikislap yung mga ilaw sa mukha niya.
May luha pa rin sa pilikmata niya. Ngayon ko lang siya nakita nang ganito kahina, habang takot na takot mawalan ng isang bagay na hindi niya pwedeng hawakan.
Huminga siya nang malalim, parang may gusto pang sabihin o pigilan. Pero parang wala nang sapat na salita para ayusin yung sakit naming dalawa.
Bigla niya akong hinalikan, pero desperado. Ganun ko rin siya hinalikan pabalik. Sa paraang mahigpit, pero wasak.
Gusto kong idikit buong kaluluwa ko sa kaniya kasi alam kong maya-maya mawawala na siya.
Humawak siya sa polo ko. Ako naman hinawakan ko ang mukha niya gamit ang parehong kamay, pilit siyang hinihila palapit kahit alam kong walang sapat na lapit para pigilan yung paalam na paparating.
Maalat yung halik. Hindi ko alam kung dahil sa hangin ng dagat o dahil pareho na kaming umiiyak. Habang tumatagal, mas lalo kong nararamdaman yung takot niya.
Doon ako tuluyang nadurog. Hindi sa mga biro at tingin. Kundi rito. Sa paraan ng paghawak niya sakin na parang ako yung pinakamaganda at pinakamalungkot na bagay na nangyari sa buhay niya.
Humihingal na kami pareho pero wala pa ring gustong bumitaw. Kasi pag bumitaw kami, tapos na talaga.
Hanggang dahan-dahan siyang umatras, pero ang noo niya nakadikit pa rin sakin. Pareho kaming umiiyak nang tahimik.
Napapikit siya habang nanginginig ang hininga niya. At sa sobrang lapit namin, ramdam ko yung pagpigil niya. Yung bawat parte niya gustong manatili, pero mas malakas yung parte niyang marunong magpaalam.
Hinaplos ko ang buhok niya. Huling pagkakataon. Doon ko rin unti-unting tinanggap. Na kahit mahal na mahal namin ang isa’t isa, hindi kami ang para sa isa’t isa.
PAGE 44
Hindi ko na maalala kung gaano kami katagal nanatili roon. Basta ang alam ko, natapos ang fireworks. Unti-unti ring natahimik ang buong isla.
Kinabukasan, maaga akong nagising o baka hindi talaga ako natulog.
Tapos na ang summer. Tapos na rin kami. Naglakad ako papunta sa simbahan habang mabigat ang bawat hakbang.
Maraming tao. Masaya sila at proud. May mga matatandang umiiyak sa tuwa. May mga bata rin na nagtutulakan para makakita. At sa gitna ng lahat, nandoon si Jenner.
Pinagdiriwang ng simbahan ang nalalapit na ordination niya.
Nakasutana siya, malinis at banal. Parang hindi siya yung lalaking umiiyak sa bisig ko kagabi. Parang hindi kami nangyari, pero nang mapatingin siya sakin, doon ko nakita ang mga mata niyang puno ng pait. Ang maliit na ngiti niya na halos mabasag.
Tapos na.
Hindi ko alam paano pero biglang tumahimik lahat sa loob ko. Hindi dahil okay na ko. Tinanggap ko lang na hindi lahat ng mahal mo… pwede mong angkinin.
At sa unang pagkakataon sa buhay ko, hindi ako lumaban.
Ngayon lang may nagmahal sakin nang ganito. Ang problema lang… hindi pala ako yung future niya. Dahil paano mo hihilahin pabalik ang taong kusang lumalapit sa Diyos?
Pagkatapos ng misa, hindi na kami nag-usap.
Hindi ko rin alam kung ano pa bang pwede naming sabihin sa isa’t isa matapos ang lahat.
Kaya hinayaan nalang naming matapos yung araw nang tahimik.
At kinabukasan…
Huling araw ko na sa isla.
Maaga akong nagising kahit halos wala naman akong tulog.
Tahimik ang buong bahay. Naririnig ko ang hampas ng alon sa malayo. Yung dating bahay na sobrang buhay noong unang dating ko rito, biglang parang napakatahimik ngayon.
Mabigat sa dibdib akong nag-empake ng mga damit ko. Isa-isa kong nilagay sa maleta ang mga polo at shorts. Pati ang tsinelas kong halos mapigtas na dahil kakalakad sa dagat gabi-gabi.
“Apo.”
Napalingon ako kay Lola Trinidad na nasa pintuan.
“Nagluluto ako ng breakfast.”
PAGE 45
“Opo.”
Tinitigan niya ko sandali, parang may gustong sabihin.
“Minsan may mga taong dumarating talaga para baguhin tayo,” mahinang sabi niya.
Bumaba ang tingin ko.
“Kahit hindi sila manatili.”
Matatanda talaga walang warning bago manakit.
Ngumiti lang siya nang maliit bago bumalik sa kusina. At ako? Tahimik na naupo sa gilid ng kama habang pilit hinihinga yung bigat sa dibdib ko.
Pinagmasdan ko yung kwarto nang matagal. Yung mga gamit ko. Yung bintanang tanaw ang dagat.
Ang hirap paniwalaang dalawang buwan lang ang nakalipas pero pakiramdam ko ibang tao na yung Luis na unang dumating dito.
Bandang hapon ang alis ng bangka. Pero bago pa man sumapit ang tanghali, may kumatok sa gate.
Lumabas ako. Nandoon si Jenner, mukhang sinakluban ng langit.
Nagkatinginan lang kami sandali.
“Pwede bang maglakad lakad muna tayo bago ka umalis?”
Parang bumalik lahat. Yung unang gabi at unang ngiti. Yung unang beses na naramdaman kong may taong kayang patahimikin buong mundo ko.
Tumango lang ako.
Hindi kami sa dagat pumunta. Doon sa lumang waiting shed malapit sa kalsada papuntang pantalan. Yung waiting shed kung saan kami dating naglalaro noong mga bata pa kami.
Doon kami nagpapaligsahan umakyat sa bangko at unang natutong mag-bike. Doon din minsang umiyak si Jenner kasi nadapa siya at napunit ang tuhod niya. At ako naman, kunwaring tinapangan siya kahit umiiyak din ako dahil akala ko mamamatay na siya noon.
Tahimik lang kaming umupo. Ninanamnam ang hangin habang nakatingala sa medyo makulimlim na langit.
May dumadaang tricycle paminsan-minsan pero bukod doon, parang huminto ang buong mundo para samin.
Hindi ko alam sino ang unang magsasalita. At mukhang siya rin.
PAGE 46
Natawa ako nang mahina.
Napalingon siya.
“Ano?”
Umiling ako.
“Masakit pala kapag tama yung tao no?”
May kung anong nabasag sa mukha niya, pero natawa rin siya nang mahina.
“Oo.”
Tahimik ulit.
Dahil alam kong kapag hindi ako nagsalita ngayon, baka habang-buhay ko nang dalhin ang mga salitang ’di ko masabi sa kaniya.
Kaya huminga ako nang malalim.
“Akala ko noon kaya ako hindi binibigyan ni Lord ng matinong relasyon kasi malas ako.”
Napangiti siya nang konti.
“Hindi naman.”
“Hindi, totoo.” Natawa ako nang mahina. “Yung ex ko akala niya reincarnation siya ni Cory Aquino.”
Napahawak siya sa noo habang tumatawa.
“Luis…”
Namiss ko yung tunog na yun.
Saglit na parang bumalik lahat sa dati. Yung kaya pa naming magtawanan nang walang iniindang kirot sa dibdib.
“Yung isa nakipagbreak sakin dahil nag-cheat daw ako sa panaginip niya.”
“Totoo namang gago ka minsan.”
“Thank you.”
Ngumiti ako, pero maya-maya, nawala rin.
“Ngayon naintindihan ko na si Lord kung bakit laging may tama sa ulo ang mga taong binibigay Niya sa’kin. Siguro… pinaparanas lang sakin kung paano magmahal nang totoo.”
Napayuko siya agad. Humigpit ang panga niya, pinipigilan umiyak. Nung tumingin siya ulit sakin, punong-puno ng sakit yung mga mata niya.
Ayoko siyang makita nang ganun.
PAGE 47
“Kasi ikaw…” natatawa kong sabi kahit nanginginig ang boses ko, “ikaw yung unang taong minahal ko nang walang halong biro.”
Hindi siya nakasagot agad. Kasi umiiyak na siya.
“Mamahalin kita habambuhay, Luis.”
Ganun lang kasimple niya sinabi, pero sobrang sakit.
Napangiti ako kahit basang-basa na mata ko.
“Pero hindi mo ko pipiliin.”
“Hindi ibig sabihin nun hindi totoo.”
Siguro kaya sobrang sakit kasi wala naman talagang may kasalanan samin.
Yun yata ang pinakamahirap tanggapin sa lahat. Na may mga pagmamahal talagang totoo… pero hindi itinadhana para manatili.
Hanggang sa may inilabas siya mula sa bulsa niya. Isang lumang rosary. Mukhang gamit na gamit na. Inabot niya sakin.
Kumunot ang noo ko.
“Para saan?”
Ngumiti siya nang maliit kahit umiiyak.
“Kapag galit ka sa Diyos.”
Natawa ako nang mahina habang tinatanggap yun.
“At least may pambato ako.”
Tumawa siya. Pareho kaming umiiyak habang tumatawa.
At ewan ko ba. Kahit sobrang sakit… maganda pa rin yung nangyari samin. Kasi minsan hindi naman pala kailangan magkatuluyan para maging totoo ang pagmamahal.
Minsan sapat nang may isang taong dumating at tinuruan kang magmahal nang buo.
Umalis ako ng isla dala yung rosary sa bulsa ko. Hindi na kami naghabol. Wala ring pinipilit. Kasi pareho naming alam. Pareho naming alam na kahit sabay kaming lumaki sa iisang isla, hindi kami para sa iisang buhay.
At habang papalayo yung bangka sa dalampasigan, unti-unti ko ring tinanggap na may mga pagmamahal na hindi mo kailangang kalimutan para makapagpatuloy sa pag-usad.
Years later.
“Sir Luis!”
Napalingon ako sa Grade 11 student kong si Bea habang nagche-check ako ng notebooks.
PAGE 48
“Nananaginip po ba kayo minsan habang gising?”
Natawa ako.
“Ano yun?”
“Yung parang iniisip niyo po future niyo.”
“Ah.”
Mainit yung hapon. Maingay yung classroom. May estudayanteng natutulog sa likod at ang iilan naman nagharutan habang nagti-tiktok.
Normal na buhay. At surprisingly, masaya naman ako. Hindi man perfect, pero payapa.
“Sir,” tanong ulit ni Bea habang nakasandal sa desk ko. “Naniniwala po ba kayo sa soulmate?”
Nahinto ako saka napatingin sa bintana. Maliwanag yung araw sa labas. Bigla kong naalala yung dagat. Yung fireworks. Higit sa lahat, ang seminaristang minsang nagpatahimik ng buong mundo ko.
Napangiti ako, pero wala ng pait.
“Oo.”
“Nasainyo na po?”
Tahimik ako sandali, tapos huminga nang malalim.
Hindi na masakit sabihin.
“Hindi.”
Tumango siya na parang kuntento na sa sagot ko bago bumalik sa upuan niya.
At ako? Naiwan lang nakatingin sa labas habang tahimik na umiikot ang electric fan sa kisame.
Matagal kong inisip na tragedy yung nangyari samin ni Jenner dahil hindi kami nagkatuluyan. Walang bahay sa tabing-dagat. Wala ring singsing at mga litratong tatanda kasama ng panahon.
Walang kami sa dulo ng kwento.
Pero habang tumatanda ako, natutunan kong hindi lahat ng pagmamahal kailangang may ending para masabing worth it.
At kung mahal mo talaga yung tao, darating ka sa puntong hindi mo na gustong angkinin siya. Gusto mo nalang siyang maging buo at maging payapa, kahit hindi ikaw yung kapayapaang pipiliin niya.
PAGE 49 END
AUTHOR’S NOTE: Hello po. If nakaabot kayo sa page na to. Pwede ka ba mag-iwan ng VOTE or comment dito para malaman ko na isa ka sa mga bumabasa ng short story na to.
Salamat!
Hope you like it!
May mga taong darating lang talaga para baguhin ka. Kahit mawala sila pagkatapos… dala-dala mo pa rin yung naging ikaw dahil sa kanila.
Si Jenner…
Hindi siya naging akin, pero naging totoo siya.
Hindi siya yung nakatuluyan ko. Pero minsan, siya pa rin yung pinaka-home na naramdaman ko.

