The Forgotten Prince
Cold Deee · 1 chapter · 7,899 words
The Forgotten Prince
A/N
Hope you’ll enjoy this short story!
––cold_deee
*Paki-play na lang din po ng nasa media kung gusto n’yo sabayan ang pagbabasa.
(Song title: Anong Nangyari Sa Ating Dalawa by Aiza Seguerra)
“Ah! Sh*t!” daing ko nang magising ako ng tanghali.
Nahirapan akong imulat ang mga mata ko dahil sa labis na sakit ng ulo. Naparami yata ako ng inom kagabi. Ang kukulit kasi ng mga katrabaho ko, masyadong sugapa sa alak.
Nang tuluyan kong mabuksan ang mga mata ko ay nakita kong nasa bahay na pala ako. Mabuti naman at nakauwi ako ng maayos.
Napalingon ako sa aking kanan at nakita kong nahihimbing din pala sa pagtulog si Angelo. Napansin ko rin ang kanyang isang kamay na nakapatong sa aking bewang.
Tanghaling tapat pero sinasabayan n’ya akong matulog.
Padabog kong tinanggal ang kamay n’yang iyon mula sa aking bewang. Sinadya ko iyon para magising s’ya.
Mukhang hindi naman ako nagkamali dahil mabilis din s’yang nagising. Tumayo ito mula sa pagkakahiga at pupungas-pungas pa.
“Gising ka na pala, Ian.” sambit n’ya. “Sandali, ipaghahanda lang kita ng makakain.” sunod n’yang pagsasalita at mabilis na kumilos patungo sa kusina.
Sapo ko ang aking ulo habang bumabangon. Sobrang sakit talaga.
“Heto, magsopas ka muna para mabawasan ’yang sakit ng ulo mo.” wika n’yang nakangiti at inilapag sa harap ko ang niluto n’yang sopas.
Naririto kami sa maliit na kusina ng inuupahan naming bahay. Magkaharap kaming nakaupo. Siguro ay maaga na s’yang nagising kanina at tinabihan na lang ako sa pagtulog ng bandang tanghali. Hindi na kasi s’ya kumuha ng sarili n’yang pagkain.
Akmang isusubo ko na ang ibinigay n’yang sopas nang magsalita s’yang muli.
“Lasing na lasing ka na naman kagabi. Baka naman magkasakit ka na n’yan kung gabi-gabi kang nag-iinom?” pag-aalala n’ya.
Sa halip na matuwa ako ay nakaramdam ako ng inis.
“Kakagising ko lang Angelo. Ang aga mo naman manermon?!” buska ko sa kanya.
Muli kong nakita ang lungkot sa kanya dahil tinawag ko na naman s’yang Angelo. Dati kasi ay Prince ang tawag ko sa kanya na nagmula sa una n’yang pangalan. S’ya ang itinuturing kong prinsipe….
….noon.
“Hindi naman sa gano’n, Ian. Nag-aalala lang ako sa kalusugan mo.” sagot n’ya.
Dahil sa sinabi n’ya ay lalong nag-init ang ulo ko. Malakas ang ginawa kong paghampas ng aking palad sa ibabaw ng mesa. Nakita ko ang kanyang pagkagulat dahil sa ginawa kong iyon.
“P’wes hindi ko kailangan ng pag-aalala mo! Ang dapat na inaatupag mo, ’yung makahanap ka ng bagong trabaho!” buska ko sa kanya.
Hindi s’ya nakapagsalita. Marunong din naman pala s’yang manahimik. Kailangan ko pa ba s’yang sigawan para lang maisara ko ang bibig n’ya?
“Ano ba kasing pumasok d’yan sa kokote mo at nagresign ka?! Ang ganda-ganda ng posisyon mo doon pero bigla kang nagresign!!” sunod kong pagtatanong.
Napayuko s’ya.
“S-sorry…” tangi n’yang sambit.
Ganyan naman s’ya, sa tuwing masisigawan ko s’ya ay tanging paghingi lang ng tawad ang nasasabi n’ya. Nakakasawa na.
Hindi na ako muli pang nagsalita. Muli ko na lamang ibinalik ang aking sarili sa naantala kong pagkain.
Ngunit nang tuluyan kong matikman ang niluto n’yang sopas ay rumehistro ang pangungunot ng noo ko.
“Ano ba ’tong sopas na niluto mo?! Bakit ang alat?!!” tanong ko sa kanya.
Inangat n’ya ang kanyang mukha.
“Ha? Sorry, hindi ko kasi malasahan kanina.” ayan na naman ang paghingi n’ya ng sorry. “Akin na, aayusin ko na lang, dadagdagan ko na lang tubig.” sunod n’yang sambit at kinuha ang aking sopas.
Mabilis akong tumayo mula sa pagkakaupo.
“’Wag na! Lalo lang akong magtatagal. Maliligo na ako, doon na lang ako kakain sa canteen namin!” wika ko at tinalikuran s’ya.
Iniwan ko s’yang nakatayo habang hawak ang sopas na inihanda n’ya para sa akin. Wala s’yang nagawa kundi ang panoorin akong pumasok sa aming kwarto.
Nang nasa banyo na ako ay nakatulala ako habang nagsasabon ng aking katawan.
Anim na taon na kaming nagsasama ni Angelo dito sa inuupahan naming bahay. Simpleng bahay lang naman na sapat lang para sa dalawang tao.
Masaya naman kami noong una, pero hindi ko na matandaan ang eksaktong panahon simula nang mawalan ako ng gana sa kanya.
Minsan ay napapaisip ako kung bakit ko pa s’ya niyaya na sumama sa akin dito sa Maynila. Pakiramdam ko ay nagkamali ako ng desisyon sa bagay na iyon. Iniwan n’ya ang mga magulang n’yang hindi ako matanggap dahil pakiramdam nila ay ako ang dahilan kung bakit naging bakla ang anak nila. Iniisip nilang masamang impluwensya ako kay Angelo.
Pero wala naman silang alam. Hindi rin naman namin sinasadya ni Angelo ang mahulog sa isa’t isa noong nasa college kami.
Dahil sa pag-alala ng kaganapan noon ay natawa ako. Muli ko rin kasing naalala ang pag-uusap namin noon ni Angelo na pinagtagpo kami at tinadhana sa isa’t isa kahit pareho pa kaming lalaki.
“Noon ’yon. Nakalipas na ’yon.” mahina kong sambit.
Hindi ko nga malaman kung bakit patay na patay ako sa kanya noon. Hindi ko kayang mabuhay nang wala s’ya. Pero ngayon, kulang na lang ay isuka ko s’ya.
“Aalis ka na?” tanong n’ya sa akin nang mapansin n’yang lalabas na ako ng bahay. Abala s’ya sa pagtitiklop ng nilabhan n’yang mga damit namin sa sala.
Hindi ko s’ya pinansin. Diretso lamang akong lumabas ng bahay.
“Hoy, Ian!” tawag ni Kuya Berto sa akin nang makasalubong ko s’ya sa kalye.
Tinanguan ko lamang s’ya bilang pagbati.
Si Kuya Berto ang may-ari ng apartment na tinitirahan namin ni Angelo. Bakla rin s’ya ngunit wala s’yang kinakasama. Mas pinili n’yang tulungan ang kanyang pamilya kesa ang maghanap ng makakasama.
“Kamusta na si Angelo?” tanong n’ya sa akin na ipinagtaka ko.
“Bakit? Anong meron sa kanya?” tanong ko pabalik.
S’ya naman ngayon ang nagtaka.
“Ako pa ang tinatanong mo? Ikaw ’tong kasama n’ya sa bahay pero wala kang alam?” balik n’yang mga tanong.
Hindi ko s’ya sinagot. Hindi na lang kasi sabihihin kung anong meron, ang dami pang satsat.
“Kahapon pa inaapoy ng lagnat si Angelo. Pinainom mo ba ng gamot bago ka umalis?” tanong n’yang muli.
Natigilan ako. Ngayon ko lang napagtanto na mainit nga ang kanyang mga braso noong maramdaman kong yakap n’ya ako nang gumising ako. Kaya siguro wala rin s’yang panglasa sa sopas na niluto n’ya kanina.
“A-ah, oo… O-okay naman s’ya. Uminom na rin s’ya ng gamot.” sagot kong nauutal.
Kasinungalingan. Ako pa nga ang pinainom ni Angelo ng gamot para mawala ang hang over ko.
Hindi na nagsalita si Kuya Berto, pero nakikita ko sa kanyang ekspresyon na hindi s’ya naniniwala sa naging sagot ko.
“Sige, mauuna na ako.” pamamaalam ko na lang. Baka humaba pa ang usapan naming dalawa.
Nasa train station na ako dito sa aming lugar nang marinig ko ang boses ni Angelo.
“Ian!” sigaw nito.
Nilingon ko s’ya at nakita kong tumatakbo ito patungo sa akin suot ang kanyang ngiti. Ang ngiti n’yang kinahuhumalingan ko noon, ang ngiti n’yang hinahanap-hanap ko noon.
“Nakalimutan mo na naman ’tong baon mo para sa break mo mamaya.” wika n’yang nakangiti nang tuluyan s’yang makalapit sa akin.
Iniaabot n’ya sa akin ang lunchbox ko.
Kinuha ko iyon habang nakakunot ang noo ko at muli kong ibinalik ang tingin sa kanya.
“’Di ba ang sabi ko sa ’yo, ’wag na ’wag kang pupunta rito nang wala man lang suot na sumbrero o pangtakip d’yan sa mukha mo?!” madiin kong sermon sa kanya.
Nilingon n’ya ang paligid. Nakita n’ya ang mga taong pinagtitinginan kaming dalawa. At sa mga mata nilang iyon ay naroroon ang panghuhusga.
Napayuko s’ya at nawala ang kanyang pagkakangiti.
“S-sorry… S-sige, aalis na ako. M-mag-iingat ka. Magkita na lang ulit tayo mamaya sa bahay.” wika n’ya at mabilis na rin s’yang umalis.
Noon ay wala akong pakialam sa sasabihin ng tao sa aming dalawa. Pero simula nang mawalan ako ng interes kay Angelo ay naging maselan na ako sa magiging tingin sa akin ng iba.
Tiningnan ko ang hawak kong lunchbox na inabot ni Angelo.
Kung bakit naman kasi halos araw-araw kong nakakalimutan ’to. Hindi na sana s’ya nagpupunta pa rito sa train station para lang iabot ’to at ipagsigawan ang pangalan ko.
Naging maayos naman ang pagtatrabaho ko bilang call center agent ngayong araw. Call center agent din si Angelo bago pa s’ya magresign dalawang linggo na rin ang nakakalipas.
Nang makauwi ako ng bahay namin ay naabutan ko s’yang nasa isang sulok ng aming kwarto at nakaupo habang nakangiti. Suot n’ya ang kanyang earphone at may pinanonood s’ya sa kanyang cellphone.
Pinapanood na naman n’ya ang mga recorded videos namin noon. Noong mga panahon na mahal pa namin ang isa’t isa. Noong panahon na mahal na mahal ko pa s’ya.
Nang makita n’ya ako ay mabilis din s’yang kumilos para asikasuhin ako. Hindi natatanggal ang kanyang pagkakangiti habang tinatanggal ang sapatos ko.
Mukhang may sakit nga s’ya dahil paulit-ulit s’yang umuubo. Pero pagkatapos n’ya namang umubo ay ibabalik n’yang muli ang kanyang pagkakangiti.
Simula nang mawalan s’ya ng trabaho ay inaabot din s’ya ng madaling araw para lang hintayin ang pag-uwi ko. Graveyard kasi ang shift ko sa trabaho. At kahit pa inaabot ako ng umaga sa pag-uwi dahil sa kalasingan ay naaabutan ko pa rin s’yang gising.
Tulad ngayon, nakainom na naman ako. Mabuti na lang at hindi ako gumagapang pauwi dahil sa kalasingan.
“Gusto mo bang kumain?” tanong n’yang nakangiti.
Mabilis akong dumapa sa kama. Hindi ako sumagot. Sapat na siguro ang ginawa ko para masagot ang tanong n’ya. Matutulog na lang ako at hindi na kakain.
May isang oras na rin siguro akong nakakatulog nang maalimpungatan ako. Napansin kong nakapangbahay na ako. Malamang ay binihisan ako ni Angelo, naaamoy ko rin kasi sa aking katawan ang alcohol na ginamit n’yang panglinis sa katawan ko.
Tumingin ako sa paligid at nakita ko si Angelo sa isang sulok at nagsusulat sa aming notebook.
Simula pa noon ay ginagawa na n’ya ito. Matapos n’yang panoorin ang videos namin noon ay magsusulat s’ya sa notebook. Para sa akin ang sinusulat n’ya sa notebook na iyon. Sinusulat n’ya roon kung gaano n’ya ako kamahal, kung gaano ako kahalaga sa kanya. Doon n’ya isinusulat ang mga pangako n’yang hindi n’ya ako iiwan hanggang sa huling hininga n’ya.
Hindi n’ya itinigil ang pagsusulat dito kahit pa malaki na ang nagbago sa pakikitungo ko sa kanya. Noon ay binabasa ko pa iyon, ngunit matagal na rin na panahon simula nang hindi ko iyon mahawakan at basahin.
Nagsusulat s’ya sa kanyang notebook habang may ngiti pa rin sa kanyang labi. Ngunit kasabay ng ngiti n’ya ay ang pagdaloy ng kanyang mga luha mula sa kanyang mga mata.
Hindi ko malaman sa sarili ko, pero wala akong maramdaman kahit na katiting na awa para sa kanya. Pinili ko na lamang na ipikit muli ang aking mga mata para ipagpatuloy ang aking pagtulog.
Mabilis na lumipas ang ilang buwan at ganoon pa rin ang lahat. Walang nagbago bukod sa schedule ko sa trabaho. Madalas pa rin akong umuuwing nakainom. Si Angelo naman ay ganoon pa rin, inaabangan pa rin ang pag-uwi ko dahil hanggang ngayon ay wala pa rin s’yang trabaho.
Walang namang nagbago maliban na lamang sa mas naging malamig pa sa yelo ang pakikitungo ko kay Angelo.
Wala na akong matandaan na dahilan kung bakit ako nagmahal ng kagaya n’ya.
Tuluyan ko nang nakalimutan ang itinuturing kong prinsipe ng buhay ko noon.
“Ahm… Ian, kinausap ako ni Kuya Berto kanina. S-sinisingil na n’ya tayo sa upa.” kinakabahan n’yang pagbabalita sa akin.
Hindi ko s’ya sinagot, nagpatuloy ako sa pagsusuot ng aking sapatos para pumasok na naman sa trabaho. Wala rin naman akong maibibigay sa kanya. Hindi ko na kasi namalayan na naubos na pala ang pera ko dahil sa gabi-gabing pag-iinom kasama ang aking mga katrabaho.
“A-anong sasabihin ko..? Dalawang buwan na rin kasi tayong delayed sa pagba—–”
“Ewan ko!!! Ako lang ba ang dapat na mag-isip ng paraan??!!! Ikaw?!! Anong silbi mo?!! Wala ka bang gagawin na paraan??!! Puro na lang ako!!! Pagod na pagod na rin ako, Angelo!!!” pagputol at pagsigaw ko sa kanya.
“S-sorry…” tangi lang n’yang nasambit at napayuko s’ya.
“Puro ka na lang sorry!! Sa araw-araw na nakakausap kita, puro na lang sorry ang naririnig ko sa ’yo!!!” bulyaw ko pa rin sa kanya.
Hindi s’ya nakaimik. Nakita ko ang pagyugyog ng kanyang balikat, senyales na nagsisimula na naman s’yang umiyak. Ganyan naman s’ya, kung hindi magsosorry, iiyak na lang bigla.
“H-hayaan mo, ako na lang ang gagawa ng paraan…” wika n’ya at umubo na naman.
Letseng ubo ’yan, hindi na gumaling. Minsan ayaw ko na s’yang makatabi sa pagtulog dahil naiistorbo ako sa ingay ng paulit-ulit n’yang pag-ubo.
“Dapat lang!! Maghanap ka ng ibang paraan!! Hindi ’yung puro ako na lang!! Ewan ko kung anong pwede mong magawa dahil hindi ka naman makahanap ng trabaho hanggang ngayon! Kung gusto mo magpagamit ka d’yan kay Kuya Berto!! ’Yan na lang katawan mo ang ipambayad mo sa kanya! Kahit ano!! Basta gawan mo nang paraan para makabayad tayo!” mahaba kong litanya sa kanya.
Mabilis n’yang inangat ang kanyang tingin. Patuloy pa rin s’ya sa pagluha.
“I-ian… A-ano ba ’yang sinasabi mo..? Ganyan na ba ako kawalang halaga sa’yo..?” nagugulat n’yang tanong habang umiiyak.
Ngumisi ako.
“Kung sabagay, kahit yata si Kuya Berto tatanggihan na ang kagaya mo. Wala na s’yang mapapala sa ’yo dahil gamit na gamit ka na! Nilaspag na kita kaya wala ka nang pakinabang kahit kanino!” bulyaw kong muli sa kanya.
Mas lalong nag-unahan ang kanyang mga luha sa pagdaloy mula sa kanyang mga mata. Hindi s’ya makapagsalita dahil sa nahihirapan na s’ya sa kanyang pag-iyak.
“Ewan ko ba kung bakit nagtitiyaga pa ako sa ’yo eh! Paggising ko sa umaga, mukha mo ’yang makikita ko. At bago ako matulog, mukha mo pa rin ’yang nasasalubong ko. Nagsasawa na ako, sawang-sawa na ako sa buhay na kasama ang kagaya mo!” muli kong sumbat sa kanya.
Mabilis s’yang lumapit at niyakap ako. Hindi ko iyon magawang gantihan, nakaramdam ako ng pandidiri sa pagdikit ng katawan naming dalawa.
“Ian naman… ’Wag mo naman sabihin ’yan… G-gagawa ako ng paraan… Lahat… lahat ng gusto mo gagawin ko, ’wag mo lang ulit sasabihin ang mga salitang ’yan, pakiusap…? ’Di ba… ’di ba nangako tayo na hindi natin iiwan ang isa’t isa…? ’Di ba ikaw pa nga ang nagsabi na kahit anong pagsubok, kakayanin natin dalawa…? ’W-wag naman ganito…” sunod-sunod n’yang pakiusap.
Hindi ko na matandaan, wala na akong maalala na ipinangako ko sa kanya ang bagay na iyon. Tuluyan ko nang nakalimutan ’yon.
Nakaisip ako ng isang bagay kaya gumuhit ang malapad na pagkakangisi sa aking labi.
“Talaga? Kahit ano gagawin mo, Angelo? Sigurado ka ba d’yan sa sinasabi mo?” tanong kong nakangisi sa kanya.
Naramdaman ko ang maraming beses n’yang pagtango habang umiiyak.
Mas naging malawak ang naging pagngisi ko.
“Mangako ka.” utos ko sa kanya.
“P-pangako… basta ’wag mo lang ulit sasabihin sa akin ang bagay na ’yon…” muli n’yang pakiusap.
Nabuo ang maganda kong plano. Sa wakas ay makakawala na ako sa pesteng buhay na ’to kasama s’ya.
“Sige. Pero sa oras na hindi mo matupad ang pangako mo, simulan mo nang mag-empake ng mga gamit mo. Dahil kapag hindi ka tumupad sa usapan, ako na mismo ang kakaladkad sa ’yo para lumayas dito.” madiin kong utos sa kanya.
Naramdaman kong natigilan s’ya. Hindi s’ya makapaniwala sa mga salitang lumabas sa bibig ko.
Kumalas s’ya sa pagkakayakap sa akin ngunit nanatiling nakahawak ang kanyang mga kamay sa aking bewan. Tiningala n’ya ako upang magtagpo ang aming mga mata. Wala akong maaninag sa kanyang mga paningin kundi pagdurusa.
“S-sigurado ka ba sa sinasabi mo, Ian? N-nagbibiro ka lang, ’di ba..?” naguguluhan n’yang tanong.
Naging seryoso ang ekspresyon ko.
“Mukha ba akong nagbibiro? Akala mo ba natutuwa pa ako sa pagsasama natin? Akala mo ba masaya pa ako na kasama kita? Hindi na, Angelo. Ramdam mo naman, ’di ba? Nagtatanga-tangahan ka lang, nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan.” una kong pagbubunyag.
Hindi s’ya nakapagsalita. Nasaksihan ko ang mga panibagong luha na dumaloy mula sa kanyang mga mata. Ngunit kahit nasasaksihan ko iyon wala akong maramdaman maski kaunting awa sa kanya.
“Matagal ko nang nakalimutan ang lahat tungkol sa atin, Angelo. Wala na akong natitirang dahilan para samahan pa kita. Wala na akong nakikitang rason para ibigay sa ’yo ang mga oras na pwede ko namang ibigay sa iba. Matagal ko nang nakalimutan na minahal kita, Angelo.” huling bahagi ng pagtatapat ko sa kanya.
Hindi s’ya nagsalita. Tanging pag-iyak lang ang kanyang nagawa.
Ikinilos ko ang aking mga kamay para tanggalin ang mga kamay n’yang nasa bewang ko.
Diretso kong kinuha ang aking mga gamit at lumabas ng bahay naming iyon.
Nang makalabas ako ng pinto ay naroon pala si Kuya Berto at mukhang narinig n’ya ang aming naging pagtatalo ni Angelo. Siguro ay kakatukin n’ya kami para maningil na naman ngunit hindi n’ya naituloy.
“Hindi mo s’ya dapat ginaganyan, Ian. Hindi mo s’ya dapat pinagsasalitaan ng ganyan.” seryoso nitong wika.
Alam n’ya ang istorya ng buhay namin ni Angelo. Alam n’ya dahil alam kong matalik din silang magkaibigan ni Angelo.
“Gagawan ko ng paraan ang pambayad namin sa ’yo. Baka bukas meron na.” tangi ko lang naisagot sa kanya.
Wala akong panahon na magpasermon sa kanya. Nagpakatotoo lang ako sa aking sarili, wala akong nakikitang mali roon.
Hating-gabi pagkagaling ko sa trabaho ay naabutan ko na naman si Angelo sa isang sulok habang nanonood na naman sa kanyang cellphone. Nakangiti na naman s’ya habang pinanonood ang video naming dalawa.
“Nand’yan ka na pala…. I-ian.” masaya n’ya sanang pagbalubong ngunit natigilan s’ya nang biglang sumulpot ang katrabaho kong si Brix mula sa likod ko.
Tiningnan n’ya ito at tila sinuri.
“Sino s’ya, Ian?” tanong ni Brix sa akin.
Nakatitig lang ako kay Angelo nang sagutin ko si Brix.
“Pinsan ko s’ya. Angelo ang pangalan n’ya.” sagot ko kay Brix.
“Ahh…” narinig ko lamang na sagot ni Brix.
Nakita ko ang sakit sa mata ni Angelo, pero kahit kurot sa puso ay wala akong maramdaman. Hindi ako naapektuhan.
Pinaghanda pa kami ni Angelo ng makakain bago kami matulog. Maayos n’ya namang kinakausap si Brix. Mukhang tinutupad n’ya ang naging usapan namin kaninang umaga.
“D’yan ka na lang muna sa lapag matulog.” utos ko kay Angelo nang naghahanda na kaming matulog.
Narito kami sa kwarto at naliligo naman si Brix sa mga oras na ito para maghanda na ring matulog.
“B-bakit?” tanong n’yang nauutal dahil sa pagkabigla.
“Alangan naman patulugin ko ang bisita ko sa lapag?” sarkastiko kong sagot.
Hindi na s’ya nagsalita pa. Dahan-dahan na rin s’yang humiga sa lapag na nasa tabi ng kamang hihigaan namin i Brix.
“Baka magising ang pinsan mo?” pag-aalala ni Brix nang makahiga na kami sa kama.
Pilit ko s’yang hinahaplos. Matagal na panahon na rin na wala akong nagagalaw kaya sabik na sabik ako sa mga oras na ito. Mabuti na lamang at pumayag itong si Brix na sumama sa akin. S’ya rin ang madalas kong nakakasama sa pag-inom kaya nalaman kong pareho rin namin s’ya ni Angelo, kabilang din s’ya sa ikatlong kasarian.
“Hindi ’yan. Saka naiintindihan na rin n’ya ’to dahil bakla rin ’yan.” sagot ko kay Brix.
Sinimulan namin ni Brix ang mainit naming pagtatalik habang nasa lapag si Angelo at nakahiga. Nakatakip s’ya ng kanyang kumot at hindi ko alam kung tulog na ba s’ya sa mga oras na ito.
Tanging impit na mga pag-ungol namin ni Brix ang maririnig sa buong kwarto. At habang nagaganap ang mainit naming pagtatalik ni Brix ay naririnig ko rin ang mga impit na pag-iyak ni Angelo. Gising pa pala s’ya at nasasaksihan n’ya ang makamundong bagay na ginagawa namin ni Brix sa mga oras na ito.
Pero wala akong pakialam. Mas nilakasan ko pa ang mga pag-ungol na inilalabas ko.
Kinabukasan ay normal naman ang lahat. Maayos pa rin ang pakikitungo sa amin ni Angelo bagama’t ramdam kong alam n’ya ang naganap sa amin ni Brix. Namumugto rin ang kanyang mga mata dahil sa pag-iyak ngunit nagagawa n’ya pa rin kaming kausapin habang nakangiti.
Tama nga ako, sinusubukan n’yang maging normal pa rin ang lahat. Tumutupad s’ya sa kasunduan naming dalawa.
Nagtapos na naman ang panibagong araw ng pagtatrabaho ko. Sa hindi ko malamang dahilan ay tila ba gustong-gusto ko nang umuwi kaya hindi na ako sumama sa mga katrabaho ko para lumabas at mag-inom. Tila ba may kailangan akong gawin sa mga oras na ito na hindi ko naman maalala kung ano.
Nang makapasok ako ng bahay ay naabutan ko si Angelo at Kuya Berto na nasa kusina at abala sa pagluluto.
“Anong meron?” tanong ko sa kanila. Napansin kong nagluluto sila ng spaghetti at masyadong marami iyon para sa aming dalawa ni Angelo.
“Ian!! Ang aga mo yata?!” nakangiting pagsalubong sa akin Angelo.
Napansin ko namang napasimangot si Kuya Berto habang nakatingin sa akin.
Hindi ko tinugunan ang pagbating iyon ni Angelo. Umupo ako sa sala at nagtanggal ng sapatos ko.
“Angelo, bumili ka muna ng cheese. Kukulangin ’to.” nadinig kong utos ni Kuya Berto kay Angelo. Nasulyapan kong inabutan n’ya ng pera si Angelo.
“Ian, bibili lang ako ng cheese ha? Tapos na rin ang niluluto namin ni Kuya Berto kaya makakakain ka na maya-maya.” masayang pamamaalam sa akin ni Angelo.
Muli ay hindi ko s’ya tinugon.
Ilang segundo nang makalabas si Angelo ay nilapitan ako ni Kuya Berto.
“Tapos na ang niluluto namin ni Angelo.” wika n’ya habang nakatayo sa harap ko.
Tiningnan ko lang s’ya. At nang magtagpo ang mata naming dalawa ay nakita ko ang galit sa kanya.
“’Wag mo nang alalahanin ang nagastos para sa pagluluto, hindi ko na ’yon sa inyo sisingilin.” una n’yang sambit sa akin at saglit na tumigil. “Regalo ko na lang ’yon kay Angelo para sa birthday n’ya.” may diin na n’yang pagpapatuloy.
Natigilan ako. Inalala ko ang araw na ito.
Tama s’ya, ngayon nga ang kaarawan ni Angelo.
Matapos iyon sabihin ni Kuya Berto ay mabilis din s’yang umalis at iniwan ako sa loob ng bahay. Naiwan akong nakatulala. Tama nga, ito ang bagay na nakalumitan ko. Ngayon nga pala ang birthday ni Angelo.
“Kain ka na.” masayang pagyaya sa akin ni Angelo at inilapag ang isang plato ng spaghetti sa harap ko.
Naririto kami sa aming hapag kainan.
Sa mahabang panahon na lumipas, ngayon ko lang ulit s’ya napagmasdan. Ngayon ko lang nakita ang laki ng pagbabago sa kanyang buong katawan. Lubog ang mga pisngi at malalim ang kanyang mga mata.
“A-ayaw mo ba ng spaghetti?” bigla nitong tanong sa akin makalipas ang ilang sandali.
Nakita ko ang pagbabago sa kanyang ekspresyon. Bigla s’yang nalungkot.
Sa kauna-unahang pagkakataon simula nang mawalan ako ng interes kay Angelo ay ngayon ko lamang naramdaman na tila may karayom na tumutusok sa puso ko.
Tumayo akong bigla mula sa inuupuan ko nang walang salitang sinasambit. Tinumbok ko ang aming kwarto para abutin naman ang aking bag na ginagamit ko pangtrabaho.
Nang makuha ko ang pakay ko ay mabilis din akong lumabas sa kwarto naming iyon para balikan si Angelo.
Naabutan ko itong nililigpit na ang inihanda n’yang pagkain para sa akin. Malungkot pa rin ang kanyang ekspresyon habang marahang kumikilos.
Dali-dali ko s’yang nilapitan. Inabot ko ang kanyang kamay at mabilis na inilagay roon ang isang tsokolate.
“H-happy birthday, Prince.” sa hindi ko malamang dahilan ay natawag ko s’yang muli sa pangalan na dati kong ginagamit para sa kanya.
Isang bar ng espesyal na tsokolate iyon. Ang tsokolateng ibinigay sa akin Brix kanina bago ako umuwi.
Nakita ko ang pagkagulat kay Angelo, nanlalaki ang kanyang mga mata. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay sumilay rin ang kanyang ngiti. Kasunod ng ngiti n’yang iyon ay ang pagdaloy ng kanyang mga luha.
“S-salamat, Ian.” wika n’ya at niyakap ako.
Muli ay naramdaman ko ang kirot sa puso ko.
Kusa na lamang gumalaw ang mga kamay ko para gantihan ang yakap n’yang iyon. Isang mahigpit na yakap na matagal na panahon ko nang hindi ginagawa.
Kailan ko ba s’ya huling niyakap ng ganito? Hindi ko na matandaan, hindi ko na maalala.
“Salamat, Ian… salamat…” umiiyak n’yang sambit habang patuloy sa pag-iyak.
Tahimik naming pinagsaluhan ang iniluto nila ni Kuya Berto. Kitang-kita ko ang saya kay Angelo. Mas masaya s’ya kumpara sa mga nagdaang mga araw at taon.
Kinabukasan pagkagising ko ay hindi ko naabutan si Angelo sa loob ng bahay. Inisip ko na lamang na baka lumabas lamang ito at may binili. Nakapaghanda naman s’ya ng aking kakainin ganoon din ng pangbaon ko pagpasok sa trabaho.
Sa hindi ko rin malamang dahilan ay hindi na naman ako uminom ng alak bago umuwi. Hindi ko maipaliwanag, ngunit mas nagnanais akong umuwi ng bahay sa mga oras na ito.
Pagpasok ko ng bahay ay diretso ako sa aming kwarto ni Angelo. Agad na tinungo ng mata ko ang isang sulok kung saan ko laging nakikita si Angelo na nanonood ng video naming dalawa sa kanyang cellphone.
Ngunit laking dismaya ko nang hindi ko s’ya nakita roon.
“Angelo?” pagtawag ko sa kanya.
Matapos kong sambitin ang pangalan n’yang iyon ay naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Pagtibok na nangangahulugan ng labis na takot at pag-aalala.
“Angelo?!” taranta kong paghahanap sa kanya sa buong bahay. Ngunit kahit ilang beses ko s’yang tinawag ay nakabibinging katahimikan lamang ang sumasalubong aa akin.
Lahat ng sulok ng bahay ay ginalugad ko para makita si Angelo, pero wala. Wala ang taong dahilan pala kung bakit gusto kong umuwi ng maaga ngayon.
Nagbalik ako sa kwarto naming dalawa. Ngayon ko lang napansin na bahagyang nakabukas pala ang cabinet kung saan nakalagay ang mga damit naming dalawa.
Nang lapitan ko ito ay nanlaki ang mga mata ko. Wala na roon ang mga damit ni Angelo.
“P-prince….” mahina kong sambit sa kanyang pangalan habang nanlalaki ang mga mata ko.
Matapos ko rin sambitin ang pangalan n’yang iyon ay naramdaman ko na lamang ang mga luha kong nag-uunahan na ngayon sa pagbagsak.
Lumipas ang magdamag at walang Prince Angelo na nagpakita sa akin. Alam ko ang nangyari, umalis na s’ya at tuluyan na yata akong iniwan.
Sa pagkakataong ito, ako na ang nagbubulag-bulagan. Pinapaniwala ko ang aking sarili na nagbakasyon lang s’ya kahit alam kong wala naman s’yang ibang mapupuntahan. Dahil alam ako na lang ang itinuturing n’yang pamilya.
Mabilis na lumipas ang araw hanggang sa magbilang ako ng ilang buwan. At sa bawat araw na lumipas ay walang tigil ang pag-iyak ko dahil hindi pa rin nagbabalik si Angelo.
Kung saan-saan ko s’ya hinanap ngunit bigo ako. Ilang beses kong sinubukang tawagan ang cellphone n’ya ngunit unattended na ito.
“May balita ka na ba kay Angelo?” tanong ko kay Kuya Berto.
Nasa labas ako ng bahay para maghanda nang pumasok sa trabaho at naabutan ko s’yang kumukuha ng kanyang mga sinampay na damit.
Nilingon n’ya ako at nginisian sa nakakainsultong paraan.
“Himala yata at hinahanap mo na s’ya?” sarkastiko nitong tanong.
Hindi ako nakasagot dahil sa pagkapahiya.
“At para sagutin ko ang tanong mo, wala. Wala akong balita sa kanya dahil hindi n’ya rin ako sinubukang kontakin simula nang umalis s’ya.” pagsagot na n’ya sa tanong ko.
Napayuko na lamang ako dahil parang nawawalan na talaga ako ng pag-asang makikita pa s’ya.
Sa kabila ng lungkot, pangungulila at pagsisisi sa paggkawala ni Angelo ay ipinagpatuloy ko ang pagtatrabaho. Wala rin naman akong pagpipilian dahil hindi ako mabubuhay kung hindi ko ito ipagpapatuloy. Maaga na lamang akong gumigising sa umaga para maghanap sa kanya.
Nasa estasyon ako at naghihintay sa pagdating ng tren na aking sasakyan para pumasok sa trabaho. Tulala akong nakatingin sa malayo nang mapansin kong may lalaking lumapit sa tabi ko.
Payat ito at nakasuot ng jacket. Napansin ko rin na kahit nakasumbrero s’ya ay wala na itong buhok dahil nakikita ko ang likod na bahagi ng kanyang ulo. May suot din s’yang surgical mask bilang proteksyon sa maari n’yang malanghap na masamang hangin.
Nilingon n’ya ako at napansin kong wala na rin s’yang kilay. Mukhang hindi lang s’ya basta may sakit, mukhang malala na ang kanyang sakit dahil kakaiba ang putla ng kanyang mukha.
Naningkit ang mga mata ko dahil nang magtagpo ang aming mga mata ay nakaramdam ako ng malakas na pagkabog ng dibdib ko.
Ang mga matang ’yon, nakita ko na ang mga matang iyon.
Ilang sandali pa ay napansin kong unti-unting namuo ang kanyang mga luha sa mata habang titig na titig pa rin sa akin. Ngunit kahit may mga luha s’ya ay nakita ko rin ang pagngiti ng mga mata n’yang iyon.
Hindi pa man ako nakakapag-isip ng mabuti ay nagulat na lamang ako nang bigla itong lumapit sa aking pwesto.
Naging mabilis ang pangyayari dahil nang makalapit s’ya ay bigla na lamang n’yang inilagay sa mga kamay ko ang isang briefcase. Mas nakakagulat pa nang bigla n’yang iposas iyon sa pulsuhan ko.
“Oy! Teka, teka! Anong ginagawa mo?!” taranta kong tanong.
Paparating na ang tren na aking sasakyan at nakikita ko na ring naghahanda na ang mga taong kasabayan kong sasakay roon.
Hindi sumagot ang lalaki. Ipinagpatuloy n’ya ang pagkilos at nagulat na lamang ako nang iabot n’ya sa akin ang cellphone.
“Ano ba ’tong ginagawa mo, Mister?!” tanong kong naguguluhan.
Huminto ang tren. Nagsipasok na ang mga pasehero na dapat ay makakasabay ko.
Lumayo ng bahagya sa akin ang lalaki. Sa pagkakataong ito ay nakikita ko na ang pagbuhos ng kanyang mga luha.
“Sorry… Sorry, Ian… sorry…” paulit-ulit n’yang paghingi ng tawad.
Kilala n’ya ako.
Tinitigan kong mabuti ang kanyang mukha kahit may suot s’yang surgical mask. Tanging sa mga mata lang n’ya ako umaasa para makilala ko s’ya.
At nang matitigan kong mabuti ang kanyang mga matang lumuluha ay rumehistro sa akin ang pagkabigla.
“P-prince….” sambit ko sa pangalan n’ya.
“Sorry… paalam, Ian… Maraming salamat sa lahat…” wika n’yang umiiyak.
Matapos n’yang sabihin iyon ay kumilos s’ya patalikod sa akin at tinungo ang tren.
Hindi ako makagalaw, hindi ako makapagsalita. Labis akong nabigla sa nangyari. Hindi ko inaasahang ang lalaki sa tabi ko ay ang taong ilang buwan ko nang hinahanap.
Narinig ko ang pagbusina ng tren, senyales na aalis na ito.
Tanging kay Angelo lang nanatili ang mga mata ko. At nang tuluyan s’yang makarating ng tren ay nagulat ako sa kanyang ginawa.
“Prince!!!!!!!” malakas kong pagtawag sa kanya.
Kasunod ng pagtawag kong iyon ay ang pagbuhos ng mga luha ko.
Nasaksihan ko ang pagtalon ni Angelo sa baba ng platform dito sa estasyon. Kumilos ako para habulin s’ya. Ngunit natigilan ako nang makita kong nagsimula nang umandar ang tren na iyon.
“P-prince..?” pagtawag kong mahina sa kanyang pangalan habang nakatulala.
“Prince!!!!!!!!” sigaw ko nang mapagtanto ko ang nangyari.
Nasaksihan ko ang pagpapatiwakal ni Angelo sa mismong harap ko.
“I love you, Prince!” wika ko at hinalikan s’ya sa pisngi.
“I love you too!” sagot ni Angelo habang nakaharap sa camera.
Ako pa ang may hawak ng camera habang nirerecord ang video namin ni Angelo. Masayang-masaya kami noon, kuntento kami at walang pakialam sa sasabihin ng iba. Ang mahalaga sa amin ay mahal na mahal namin ang isa’t-isa.
Kasabay ng mga pag-alalang iyon ay ang pagbuhos ng panibago kong mga luha. Basang-basa na ang unan kong hinihigaan habang patuloy na pinapanood ang mga videos namin ni Angelo sa kanyang cellphone.
“Hello, Ian. Kamusta ka na?” tanong muli Angelo.
S’ya ngayon ang may hawak ng cellphone at nagrerecord ng kanyang video.
Pinagmasdan ko s’yang mabuti. Nakaupo s’ya ngayon sa hospital bed. Malaki na ang kanyang ipinagbago kumpara sa mga unang video na pinanood ko. Wala na s’yang buhok sa ulo. Maging ang kanyang kilay ay wala na rin sa kanyang mukha.
“Sorry kung hindi ako nakapagpaalam sa ’yo noong umalis ako.” una n’yang sambit sa video.
Saglit s’yang tumigil sa pagsasalita. Nagsimula na rin pumatak ang kanyang mga luha.
“Ang saya-saya ko kasi noong araw na ’yon, Ian… Hindi ko makakalimutan ang huling kaganapan sa atin noong birthday ko…” sunod n’yang sambit.
“At ang ala-alang ’yon ang gusto kong baunin hanggang sa nalalabing oras ko…” pagpapatuloy n’ya at humagulgol na sa huli.
“S-sorry, Ian… Natakot kasi ako na baka ’pag natapos ’yung araw ng birthday ko na ’yon, baka bumalik ka ulit sa dati… Baka iwasan mo na naman ako… Ramdam ko naman eh… Alam ko naman na ayaw mo na akong makatabi sa pagtulog mo… Kaya nga noong nalaman ko na may sakit ako, hindi ko na rin pinaalam sa ’yo… B-baka kasi… baka kasi lalo mo akong pandirihan eh… Kaya noong binigyan mo ako ng regalong chocolate nung birthday ko, ang saya-saya ko… Pakiramdam ko kasi… pakiramdam ko nagbalik tayo sa dati… noong panahon na mahal mo pa ako…” sunod-sunod n’yang sambit sa pagitan ng pag-iyak.
Patuloy lang akong umiiyak habang pinapanood ang video n’ya. Nahihirapan na akong huminga dahil sa labis na pag-iyak habang nakahiga dito sa kama naming dalawa.
“Sorry, Ian… Hindi ko na matutupad ang pinangako kong sasamahan kita hanggang sa huli kong hininga… Sorry kung naging makasarili ako… Sorry kung mas pinili kong umalis na lang bigla… Alam ko na kasing hindi na ako magtatagal sa mundo kaya ’yung huling masayang kaganapan na lang ang tangi kong dala-dala… Para naman kahit sa huling pagkakataon, naramdaman kong nagbalik tayo sa simula… Noong panahon na masayang-masaya ka pa kasama ako… Sorry kung hindi ako naging sapat… Sorry kung hindi ko naibigay ang mga bagay na makakapagpasaya sa ’yo…” paulit-ulit n’yang paghingi ng tawad.
Hindi ko na kayang tapusin pa ang video. Hindi ko na kayang makita ang paghihirap ni Angelo noong nabubuhay pa s’ya.
Ilang buwan na rin ang nakakalipas simula nang magpakamatay si Angelo. Matapos ang ilang linggo na pagdadalamhati sa kanyang pagkamatay ay inalam ko ang lahat kung ano ang mga naging kaganapan sa kanya bago s’ya biglang nawala.
Nalaman kong nagbalik pala s’ya sa kanilang bahay at tinanggap s’yang muli ng kanyang mga magulang. Pero ipinagtapat n’ya sa mga ito na nakikipaglaban na s’ya sa sakit na lung cancer at may isang taon na lamang ang kanyang itatagal sa ibabaw ng mundo.
Sinubukan pa nilang ilaban ang buhay ni Angelo. Dumaan s’ya sa maraming test at chemo. Ngunit tulad noong una n’yang madiskubre ang kanyang sakit ay mas lalo lamang nilang napatunayan na wala na talagang natitira pang pag-asa. Tuluyan na s’yang mawawala sa mundo na ilang buwan na lang din ang natitira.
Nalaman ko rin sa dating kompanya na kanyang pinapasukan na hindi pala s’ya nagresign. Kinailangan n’yang umalis dahil ’yon ang ipinayo ng doktor noong magkaroon sila ng annual check-up sa kompanya.
Nalaman ko rin kay Kuya Berto na pinilit s’ya ni Angelo na ’wag iyon ipaalam sa akin dahil alam n’yang lalo lamang akong mahihirapan sa mga gastusin kung ipapaalam n’ya pa ang bagay na ito.
Napakalaki ng sakripisyo sa akin ni Angelo. Simula pa lang nang iwan n’ya ang sarili n’yang pamilya at pinili n’ya akong samahan. Pero wala akong isinukli sa kanya kundi puro paghihirap. Wala akong ibinalik kundi pasakit.
Napakasama ko. Napakawalang kwenta kong tao.
Tumagilid ako ng pagkakahiga dahil hirap na hirap na talaga akong huminga dahil sa labis na pag-iyak. Mula sa aking tabi ay nakita ko ang notebook na laging pinagsusulatan ni Angelo.
’Mahal kita, Ian. Mahal pa rin kita kahit ganito ang nangyayari sa atin. Walang nagbago sa nararamdaman ko simula pa noong magkakilala tayo. Mas lumalalim pa nga ang pagmamahal ko sa ‘yo habang tumatagal.’
’Mahal kita, Ian. Sana dumating ang panahon na basahin mo ulit ang mga sulat kong ito para sa ’yo. Kahit anong mangyari ay hindi ako mapapagod na gawin ito para sa ‘yo.’
‘Mahal kita, Ian. Sana bumalik tayo sa dati.’
’Mahal kita, Ian. ‘Wag ka nang uminom, please? Baka magkasakit ka.’
’Mahal kita, Ian. At kahit ano ang mangyari, kahit magmakaawa pa ako, gagawin ko para lang tuparin ang pangako ko noon sa ‘yo. Gagawin ko ang lahat para lang maging masaya ka.’
‘Mahal kita, Ian. patawad kung kailangan kong tapusin ang buhay ko. Wala na rin pag-asa. Ano mang oras ay mawawala na rin ako. Kaya bago ako tuluyang mawala, gusto kitang makita. Gusto kong masilayan ang mukha ng taong una at huli kong minahal. Gusto kitang makita bago ako tuluyang mawala sa mundo.’
Ilan lamang ’yan sa mga nabasa ko sa notebook na gabi-gabi n’yang sinusulatan. Isa lamang din ito sa mga notebook na nilalaman ng briefcase na ibinigay n’ya sa akin bago s’ya nagpatiwakal. Ito ang mga bagay na iniwan n’ya sa akin, ang mga bagay na magpapaalala sa kanya.
“Prince… pakiusap naman oh… hindi ko pala kaya… Akala ko kakayanin ko ’pag nawala ka… Sorry kung kinalimutan ko ang lahat sa ating dalawa… I’m sorry…” paulit-ulit kong paghingi ng tawad sa kanya habang yakap ang notebook na naglalaman ng mga isinulat n’ya.
Paulit-ulit ko s’yang tinawag. Kasabay din ng pagtawag ko sa kanya ang panalangin na sana ay magbalik s’ya.
Nananalangin ako sa isang bagay na alam ko namang inposible nang mangyari.
“Ah! Sh*t!” daing ko nang magising ako ng tanghali.
Nahirapan akong imulat ang mga mata ko dahil sa labis na sakit ng ulo. Naparami yata ako ng inom kagabi. Ang kukulit kasi ng mga katrabaho ko, masyadong sugapa sa alak.
Nang tuluyan kong mabuksan ang mga mata ko ay nakita kong nasa bahay na pala ako. Mabuti naman at nakauwi ako ng maayos.
Napalingon ako sa aking kanan at nakita kong nahihimbing din pala sa pagtulog si Angelo. Napansin ko rin ang kanyang isang kamay na nakapatong sa aking bewang.
Nanlaki ang mga mata ko. Pinagmasdan ko s’yang mabuti. At habang nasa ganoon akong pwesto ay ang mabilis na pagbuhos ng mga luha ko.
Hinawakan ko ang kanyang kamay na nasa bewang ko.
“Please, sabihin mong totoo ’to…” sambit kong umiiyak.
Dahil sa ginawa kong paghawak sa kanya ay nagising ko s’ya. Tumayo s’ya mula sa pagkakahiga at pupungas-pungas pa.
“Gising ka na pala, Ian.” sambit n’ya. “Sandali, ipaghahanda lang kita ng makakain.” sunod n’yang pagsasalita at mabilis na kumilos para pumunta sa kusina.
Ngunit bago pa s’ya tuluyang makalayo ay nilingon n’ya ako.
“Ian? B-bakit ka umiiyak?” pag-aalala n’ya at nilapitan ako.
Paulit-ulit n’yang pinunasan ang aking luha gamit ang kanyang palad. Dahan-dahan n’ya rin akong iginaya para makaupo sa kama.
“Ano bang nangyari? Bakit ka umiiyak? May naging problema ka ba?” pagtatanong n’yang muli.
Hindi ako makapagsalita. Patuloy lamang ako sa aking pag-iyak habang nakatitig sa kanya.
“Sandali nga at ikukuha kita ng tubig.” pagpapaalam n’ya sana ngunit mabilis ko s’yang hinawakan sa kamay para pigilan.
Mas lalo akong napaiyak nang mahawakan ko ang mainit n’yang kamay. Inilagay ko iyong muli sa aking mukha at paulit-ulit na hinalikan.
Nakita ko ang pagtataka sa kanya.
“I-ian…” sambit n’ya lamang habang nakatingin sa akin ng tuwid.
“Prince… hindi mo naman ako iiwan, ’di ba..?” wika ko sa kanyang umiiyak.
Nang mabanggit ko ang pangalan n’yang iyon ay nanlaki ang mga mata n’ya. Nakita ko ang pinaghalong pagkabigla at saya.
Ilang segundo s’yang natigilan. At matapos iyon ay ang pamumuo ng kanyang mga luha. Unti-unti rin ay sumilay ang magandang ngiti sa kanyang labi.
“Bakit naman kita iiwan? Nangako ako sa’yo ’di ba? Na hangga’t nabubuhay ako, hindi ako aalis sa tabi mo.” madamdamin n’yang sagot sa akin.
Hindi na ako nagsalita pa. Mabilis ko s’yang hinila para yakapin ng mahigpit. Naramdaman ko ang pagkabigla sa kanya ngunit makalipas ang ilang sandali ay mahigpit n’ya ring tinugunan ang yakap kong iyon.
“Sorry, Prince…. sorry sa lahat… Sorry kung unti-unti ko nang nakalimutan ang mga pangako natin sa isa’t-isa… Sorry kung hindi kita nabibigyan ng sapat na oras gaya ng dati… Sorry… sorry… patawarin mo ako…” paulit-ulit kong paghingi ng tawad sa pagitan ng pag-iyak.
Naramdaman kong muli ay natigilan s’ya. Ngunit nang makabawi ay naramdaman ko ang pagyugyog ng balikat n’ya senyales na umiiyak na rin s’ya.
“Pangako, Prince… gagawin ko ang lahat para lang makabawi… ’wag mo lang ulit akong iiwan… please, ’wag mo na akong iiwan…” muli kong pakiusap sa kanya at napahagulgol na sa huli.
Hinaplos n’ya ng marahan ang aking likod.
“Ang sarap pakinggan, Ian… Ang sarap pakinggan na tinawag mo ulit akong Prince…” wika n’yang umiiyak.
“Prince… sorry sa lahat… patawarin mo ako…” paulit-ulit kong paghingi pa rin ng tawad.
Kumalas s’ya sa aming pagkakayakap. Nang magtagpo ang aming mga mata ay pinunasan n’yang muli ang aking mga luha.
“Pwede naman tayong magsimula ulit ’di ba..? Wala naman nagbago sa akin, Ian… Walang nagbago sa nararamdaman ko para sa’yo… Mahal na mahal ko pa rin ang Ian na dati kong nakilala…” wika n’yang nakangiti bagama’t may mga luha pa s’ya.
Pinunasan ko rin iyon gamit ang aking palad. Ngunit habang hawak ko s’ya sa mukha ay naramdaman kong mainit ang kanyang balat.
Nakaramdam ako ng takot dahil tulad ng nagpakita sa akin noong natulog ako, may sakit din si Angelo noong mga oras na iyon.
“M-may lagnat ka… Prince, may lagnat ka…” wika ko at muling naglandas ang aking nga luha dahil sa labis na takot.
Nangunot ang kanyang noo dahil sa pagtataka.
“Ano ba talagang nangyayari sa’yo, Ian? Oo, mainit ako dahil may sinat ako. Pero dahil lang ’to sa sipon ko. Naulanan ako kaninang madaling araw dahil hinihintay kita, ’di ba? Pero wala ’to, hindi ko ikakamatay ’to.” wika n’ya at natawa sa huli.
Kahit pa sabihin n’ya iyon ay hindi ako kumbinsido. Nananatili ang takot sa dibdib ko.
“Hindi! Aalis tayo ngayon! Magpapa-check up ka! Hindi ka pwedeng lagnatin ng ganyan kung walang ibang dahilan! Magpapa-check up ka!!” pagkontra ko sa kanya at hindi ko na napigilan ang mapasigaw sa huli.
Nakita ko ang kanyang pagkabigla.
“O-okay…” pagsang-ayon na lang n’ya habang marahang tumatango.
“At please lang, ’wag ka na munang maghanap ng trabaho. Magpapahinga ka lang. Wala kang gagawin dito sa bahay. Ako ang kikilos, magpahinga ka na lang simula ngayon! Naiintindihan mo?!” sunod-sunod kong utos sa kanya.
“Ha????!!” mas lalo n’yang pagkagulat.
“Narinig mo ang mga sinabi ko, Prince. Dahil sa nagresign ka na sa trabaho, wala ka nang dapat na gawin pa. Hayaan mong ako ang magtrabaho para sa ating dalawa.” dagdag ko pang utos sa kanya.
“Ian, teka lang ha?” wika n’ya at tinanggal ang mga kamay ko sa kanyang mukha.
Wala akong nagawa kundi ang tingnan lang s’ya. Nakita kong gulong-gulo na s’ya.
“Ano ba talagang nangyayari sa ’yo?!” tanong n’ya sa akin.
Hindi ako makasagot. Tanging paglunok lang ang nagawa ko habang nakatingin sa kanya.
“Makinig ka, Ian. Oo nga at nagresign ako, pero sa department lang namin ’yon. Hindi ako nagresign sa kompanya. Malilipat lang ako ng department dahil promoted ako. Kaya nga kita hinihintay kaninang madaling araw hanggang sa makauwi ka para ibalita ’yon sa’yo. Kaso lasing na lasing ka naman kaya ipinagpaliban ko muna.” mahabang paliwanag n’ya.
Natigilan naman ako sa kanyang sinabi.
“E, ’di ba nagpa-annual check up kayo? ’Di ba hindi naging maganda ang result ng annual check up mo sa company n’yo?” tanong kong muli.
“Ha????!!!!! At saan mo naman nakuha ’yang ideyang ’yan, Ian??! Oo nga at may naging annual check up kami, pero lumabas sa result na walang dapat na alalahanin sa kalusugan ko! Kaya nga nasabi kong na-promote pa ako, ’di ba??” mas nagugulat na n’yang reaksyon.
Tila ba hindi ako makapaniwala sa kanyang mga sinabi.
“Eh ’y-yung sopas? N-nagluto ka ng sopas ngayon, ’di ba? T-tapos matabang ’yon, ’di ba?? Hindi mo malasahan dahil may lagnat ka, ’di ba??!” nauutal kong pagtatanong sa kanya.
“Jusko, Ian! Kagigising ko lang din! Paano ako makakapagluto ng sopas?! Ngayon pa lang ako magluluto! At kung sopas ang gusto mong kainin, sige, ’yon ang iluluto ko sa ’yo!” wika n’ya at alam kong maedyo naiinis na s’ya.
“’Wag!” malakas na boses kong pagpigil sa kanya. “A-ayoko na ng sopas. Hindi na ako kakain ng sopas simula ngayon! Habang-buhay na rin!” sunod kong sambit.
Nangunot muli ang kanyang noo. Halatang gulong-gulo na s’ya sa mga ikinikilos ko.
“Sabihin mo nga sa akin, Ian. Bukod ba sa pag-iinom, natuto ka na rin bang magdrugs?” tanong n’ya.
Umiling-iling ako. Hinding-hindi ko iyon susubukan kahit isang beses. Ngayon ko naalala na ipinangako namin ni Angelo sa isa’t isa na hinding-hindi namin susubukan ang bagay na iyon.
“Eh bakit ganyan ka?! Para kang praning!” buska n’ya sa akin.
Hindi ako makapagsalita. Natulala na lamang ako matapos kong marinig mula kay Angelo ang kanyang mga sinabi. Masyado akong nadala sa mga nakita ko sa aking panaginip.
Ilang segundo pa ang lumipas bago ako tuluyang kumalma.
“Prince…” pagtawag ko sa kanya.
“Ano na naman? May bago ka na naman kapraningan?” tanong n’yang medyo naiinis.
“Yakapin mo nga ako…” utos ko sa kanyang mahinahon.
Naniningkit na ang kanyang mata, sensyales na nawiwirdohan na talaga s’ya sa akin.
“Sige na, please?” pagpupumilit ko pa.
May ilang segundo rin s’yang nag-isip. Ngunit maya-maya pa lamang ay nawala ang pangungunot ng kanyang noo at unti-unti s’yang ngumiti.
Dahan-dahan ang paglapit n’ya sa akin para gawin ang utos ko. Ngunit dahil sa nasasabik ako ay ako na rin ang mabilis na lumapit sa kanya at ikinulong s’ya sa bisig ko.
“Aray ko naman!” reklamo n’ya dahil inihiga ko s’ya habang yakap s’ya.
Nasa ibabaw n’ya ako at dinig na dinig ko ang pagtibok ng puso n’ya. At sa bawat pagtibok nito ay alam kong pangalan ko ang sinisigaw nito.
Ganoon lang ang posisyon namin ng ilang minuto. Nasa bisig namin ang isa’t-isa habang nakangiti kaming pareho.
“Prince…” pagtawag ko sa kanya.
“Hhhmmm?” sagot n’yang mahina.
“Sorry kung ngayon ko lang ulit nasabi sa’yo ’to, ha? Pero gusto kong malaman mo, mahal kita. Mahal na mahal kita. At sa bawat araw na lilipas, gagawin ko ang lahat para manatili ang pagmamahal mo sa akin. Dahil hindi ko kaya… Hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko… Ikaw lang ang taong kayang punan ang kakulangan sa pagkatao ko. Wala nang iba, ikaw lang.” mga binitiwan kong panibagong pangako sa kanya.
Nang sabihin ko ang mga katagang iyon ay naramdaman kong mas hinigpitan n’ya ang pagkakayakap sa akin.
“Mahal din kita, Ian. Simula pa noon hanggang ngayon, hindi nabawasan ’yon. Mahal na mahal na mahal pa rin kita.” sagot n’ya sa madamdaming paraan.
Siguro nga ay minsan tayong nakakalimot sa mga naging kaganapan sa ating buhay. Kung paano tayo nagsimula at kung paano tayo nagpatuloy. Pero may bagay na magpapaalala sa atin kung gaano iyon kahalaga sa atin. At isa na roon ang panaginip na hindi natin inaasahang darating para magising tayo sa katotohanang may mga bagay pala tayong dapat na pahalagahan para manatili sa atin ito.
Totoo nga na walang permanente sa mundo. Pero hangga’t nasa kamay natin ang mahalagang bagay na mayroon tayo, matuto tayong protektahan ang bagay na iyon. Dahil kapag dumating man ang katapusan nito, malungkot man ang magiging resulta, alam mo naman na nabigyan mo ito ng halaga noong hawak mo pa ito. Wala kang pagsisisihan, wala kang pagsisising mararamdaman.
-THE END-
A/N
Kung may nakabasa na sa inyo ng compilation ko ng One Shot Stories ko, mapapansin n’yong may isang eksena rito na nahahawig sa ‘Waiting for his Love’. Ito po ay dahil sa isinali ko ang mga istoryang ito sa isang contest, ngunit ang ‘Waiting for his Love’ ay hindi ko itinuloy na maging entry dahil may hindi ako nasunod na detalye. Dahil nga shunga si ako. 😂😂 Kaya naman gumawa ako ng panibago at ito na ang isinali ko. Winner naman si Ateng kaya nagkaload ako. Wahahaha!
Taray, may pagpaliwanag si acqouh. 😂😂
Kamusta po ang short story na ito? Lemme read your thoughts, mga amiga at amigo! Labyu! Nakapublish din po pala ang kwentong ito sa isa kong account dito sa Wattpad. Wala lang, sinabi ko lang. 😂😂
–– cold_
deee

