The Red Cloak Hunter
kabrobars · 4 chapters · 22,063 words
The Man in Red Cloak
Chapter 1 -The Man in Red Cloak-
“Lola, bakit ang dilim ng bahay niyo? Hindi ba kayo nag sindi ng gasera?” Tanong ng batang lalake na nasa edad pinto, nang pumasok ito sa bahay ng lola nito sa dulong tulay ng kanilang Sityo.
Kasabay nang pag lapag ng dala nitong basket sa lamesa na may lamang mga tinapay at karne na para sa lolang may sakit, hinubad din nito ang pulang balabal na suot at isinukbit sa likod ng upuang kahoy. Muli itong nagtanong sa kanyang lola habang sinasalat ng mga kamay ang tokador at lagayan ng lampara at gasera.
Sa makailang pagtawag nito sa lola, wala itong narinig na tugon sa halip Isang mahinang angil mula sa isang silid ang narinig nito. Sa wakas nakapa nito ang posporo at ang katawan ng gasera. Agad iyon sinindihan ng batang lalake upang maaninagan ang loob ng maliit na bahay. Lumiwanag ng bahagya ang paligid,ngunit lubhang madilim parin ito kung tutuusin. Maliit lang kasi ang apoy na likha ng gasera gawa ng kakaunti lang ang langis na karga nito.
“Lola gutom po ba kayo? Dinig ko pa po rito ang bulong ng tiyan niyo. May tinapay po akong dala galing kay mama. Nasa silid niyo po ba kayo?” Wika pa ng bata habang marahang lumalapit sa silid na iyon.
Ngunit wala paring tugon itong natanggap mula sa lola. Kurtinang yare sa rami ang nagsisilbing tabing ng pintuan ng silid. Himawi iyon ng batang lalake. At gamit ang hawak na gasera inilawan nito ang loob ng silid na nuoy animoy kuweba sa subrang dilim. Pinauna ng bata ang hawak nitong gasera at nagulat ito nang mahagip ng liwanag ang dalawang mata na pulang-pula na tila ba nagbabagang uling sa gitna ng dilim.
“Lola, matindi talaga siguro ang sakit niyo, pulang-pula na po ang mga mata niyo.” Ani pa ng bata.
Pero wala paring naririnig na tugon ang bata mula sa lola nito. Ilalapag na sana nito ang gasera sa lamesita nang mahagip pa ng liwanag ang malalaki at matutulis na ngipin ng nasa kadiliman nang binuka nito ang kanyang bibig. Doon lang napagtanto ng batang lalake na hindi pala niya lola ang nandoon sa silid na iyon. Kung hindi isang halimaw na lobo. Akmang dadambahan pa nito ang bata ngunit maliksi kumilos ang batang lalake at agad ito napatakbo sa labas ng bahay sabay hablot sa balabal nitong nakasukbit sa upuan.
Kumaripas ng takbo ang bata palabas sa bakuran ng kanyang lola, nagsisigaw ito at humihingi ng tulong, ngunit kahit na mamaos pa ito sa kangangawa walang makakarinig sa paghingi niya ng saklolo. Dulong bahagi na ng Sityo ang kinaroroonan ng bahay ng lola. Gubat na ang palibot doon at malayo sa mga kabahayan at pamayanan.
Hinahabol parin ito ng halimaw na lobo, na para bang hayok pa at gutom. Walang humpay at tigil sa kakatabo ang batang lalake, naiiyak na ito sa takot. Tanaw narin naman niya ang tulay ngunit ang layo pa nun. Kunti na lang at maapsan na ito ng halimaw na lobo.
Sa kamalas-malasan natisod ang bata at napasubsob talaga ito sa batuhan. Matagal ito nakabangon dahil sa iniindang sugat sa tuhod at braso. At sa paglingon niya nga, ay kitang-kita nito ang mabalasik na mukha ng halimaw na papasugod na sa kanya. Mapasigaw na lang ang bata nang dadambahan na siya nito.
Nang bigla na lang may sumugod sa halimaw na lobo mula sa kung saan. Isang lalaking malaki ang pangangatawan,di kita ang mukha dahil sa suot nitong pulang balabal na nakatakip doon. Intake nito ang halimaw gamit ang hawak nitong malaking palakol. Hinataw nito sa leeg ang lobo dahilan para mawalan ito ng balanse. Pagiwang-giwang na ang tayo ng halimaw. Tila napuruhan ito sa paghambalos na iyon sa kanya. Bumuwelo pa ang lalake at gumawad muli ito ng isa pang malakas na pag hataw. At sa puntong iyon tumilapon na ang ulo ng halimaw na lobo, humiwalay na ito sa kanyang katawan. Sumirit ang napakaraming dugo sa paligid mula sa katawan ng halimaw. Nangisay-ngisay pa ito bago tuluyang bumagsak sa lupa.
Ang lahat ng iyon ay hinangaan ng batang lalake sa lalaking tumulong at nagligtas sa kanya. Hindi man nailigtas ang lola ng bata, nakatakas naman ito sa kamatayan dahil sa pagdating ng Isang tulong mula sa lalaking may pulang balabal.
Tumatak sa isipan ng bata ang mga nangyari. Lumisan din ang lalake na hindi man lang nagsabi ng kung ano. Umalis ito na para bang wala lang. Tinawag pa ito ng bata upang pasalamatan ngunit tuloy-tuloy lang ito sa paglayo.
Bitbit ang takot, pagkamangha at pagaalala bumalik ang bata sa nayong. Humahangos pa itong ibinalita sa ama ang sinapit nito sa gubat at ang malagim na kinahinatnan ng lola sa kamay ng halimaw na lobo.
May mga naniwala sa kuwento ng batang lalake, ngunit marami ang naghihinala at hindi naniniwala tungkol sa nasabing halimaw, lalo na nang puntahan ito ng mga tao kasama pa ang kanyang ama, wala man lang bakas ng pinaslang na halimaw na lobo sa lugar. Maging ang nasabing bangkay at pugot na ulo ng halimaw ay wala silang natagpuan. Maayos din ang bahay ng lola ng bata, walang bahid na may nangyaring masama. Bagaman hindi na nila nakita pa ang lola nito, marami parin ang hindi naniniwala sa kuwento ng bata.
“Ina kitang-kita ko po ang halimaw, subrang laki niya po at nakakatakot. Kinain niya po si lola, maniwala naman kayo, hindi po ako nagsisinungaling.” Ang paulit-ulit na kuwento ng batang lalake sa ina.
“Bata ka pa, kaya kung ano-anong imahinasyon ang nililikha ng isip mo. Walang halimaw Ali, walang ganun. Marahil nais lang ng lola mo na magpakalayo-layo kaya wala siya roon. Itikom mo na iyang bibig mo.At ayuko nang magkuwento ka pa tungkol diyan. Tingin tuloy ng mga tao sa atin baliw.” Ang siya namang saway ng Ina nito.
Bumalik ang Asawa ng babae, ang ama ng lalake mula sa gubat. Tahimik ito na pumasok at dumeritso ng kusina para uminom ng tubig. Nilapitan ito ng asawang babae at binulungan. Bahagyang may pagtatalo sa pagitan ng dalawa. Mahihinang sisihan at sagutan. Pigil Ang mga tuno ng kanilang mga boses na ayaw iparinig sa mga kapitbahay ang kanilang pinagtatalunan.
Nahinto lang ang dalawa nang lumapit sa kanila ang batang si Ali.
“Matulog ka na sa silid mo at bantayan mo ang kapatid mo roon.” Utos ng Ina kay Ali.
Umiwas naman sa mag-Ina ang ama ni Ali , lumabas ito ng bahay.Pansinhindi mapintang mukha ng ama, bagsak ang pisngi nito at salubong ang makapal na kilay. Puno ng tagong galit ang mukha nito.
Pagkapasok sa kanilang silid, tinabihan ni Ali ang nuoy sanggol pa niyang kapatid sa higaan. At muli, kanyang ikinuwento sa kanyang sanggol na kapatid ang tungkol sa nangyari sa gubat at sa kadakilaan ng lalaking naka pulang balabal na tumulong sa kanya.
Laging bukang bibig ni Ali ang kuwento ng lalaking naka pulang balabal. At kahit ipinagbawal na ng kanyang Ina ang tungkol doon. Wiling-wili parin itong ikuwento sa mga kaklase at kalaro ang tungkol sa halimaw na nasumpungan nito sa gubat. Lumipas ang Isang taon at naging ganun parin si Ali, laging laman parin ng kuwento ang tungkol sa karanasan.
Wala man naniniwala sa kanya, pero para kay Ali totoong-totoo ang lahat. At tulad ng hinahangaan nitong estranghero, nais ni Ali na balang araw maging katulad din ito ng taong iyon. At hindi lang mga halimaw na lobo ang tutugisin nito kung hindi ang lahat ng halimaw na mananakit sa mga mahal niya sa buhay.
-*-
Sampung taong gulang na noon si Ali at katuwang na ito ng ama sa pagawaan ng mga gulong ng karetela at mga bagon ng karwahe. Isang mahusay na manlililok at karpentero ang ama ni Ali na si Amarilyo. Sa Isang pagawaan ng mga debuhong kahoy at mga pigura ito nagtatrabaho. Isang maulan na tanghali nun nang dinaanan ni Ali ang ama galing sa kanyang eskuwela. Gamit ang kuwaderdong binalot sa makapal na dahon ng gabi bilang pantakip sa kanyang ulo, sinuong ni Ali ang ulan makarating lang sa pinagtatrabahuan ng ama. Ngunit hindi pa man ito naka lapit doon. Nakita na nitong kinaladkad ang ama palabas ng pagawaan. Kitang-kita ni Ali kung paano napasubsob sa putikan ang ama nang tinulak ito ng may-ari ng pagawaan na si Lord Vitto. Isang kilalang mabagsik at malupit na amo sa kanyang mga tauhan.
Napasugod agad sa ama si Ali at inalalayan ang ama na makatayo. Nang makalapit si Ali sa ama, naamoy nito ang singaw ng alak sa hininga nito. Sa puntong iyon batid na ni Ali ang dahilan kung bakit galit si Lord Vitto sa kanyang ama.
“I-uwi mo na sa Inyo ang lasinggero mong ama. Wala na ngang silbi sa negosyo ko, sakit pa ng ulo. Umalis na kayo at huwag na huwag na kayong magpapakita sa pagawaan ko. Layas mga hampas lupa!” Mga malulutong salita na pilit iniintindi ni Ali kahit masakit sa tenga at puso.
Pinatayo ni Ali ang ama at niyayang umuwi na, pero sa halip na umalis, nilapitan pang muli ng ama nito si Lord Vitto at dinuraan sa mukha ang matanda. Sa galit nito sa ginawa sa kanya ni Amarilyo, hinataw niya ng hawak nitong bakal na baston ang ama ni Ali. Tinamaan ito sa sintido dahilan para muling matumba ang ama sa putikan.
Napansin na lang ni Ali na nag kulay pula na ang tubig sa pinagbagsakan ng ama. At nang mapansin ang pagduro sa ulo ng ama, napasigaw na ito. Nataranta naman si Lord Vitto nang makitang duguan ang nakahandusay ng si Amarilyo. Agad itong bumalik sa loob ng kanyang pagawaan na hindi man lang tinulungan ang mag ama. Humingi ng saklolo si Ali sa mga dumaraan. Isang kakilala ang tumulong sa kanila at dinala nila si Amarilyo sa bahay pagamutan.
“Ang tibay ng ama mo Ali. Sa tinamo niya na halos ikinabasag pa ng bungo niya, himalang buhay pa siya. Malamang minana ng ama mo ang tibay niya sa lolo mo.” Naikuwento pa ni Turil ka Ali. Siya ang mamang tumulong sa kanila upang madalas kaagad si Amarilyo sa bahay pagamutan.
Lumiwanag ang mata ni Ali sa narinig kay Turil. Kinulit niya pa ito para magkuwento pa tungkol sa kanyang lolo,at kung bakit niya nasabi na matibay ito. Tulad ni Ali makuwento din itong si Turil, mahilig ito gumawa ng mga kuwento at mag tagpi-tagpi ng mga huwad na istorya lamang mapagusapan at mapansin. Ito ang dahilan kung bakit wala sa kanilang nayon ang naniniwala sa kanya. Mahilig si Turil sa mga kuwento ng kababalaghan at mahika, mga uri ng kuwento na paboritong-paborito rin na pakinggan ni Ali.
Habang hinihintay ng dalawa na magkamalay si Amarilyo, ibinahagi naman ni Turil Ang mga nalaman nito tungkol sa lolo ni Ali na ama ni Amarilyo. Giliw na giliw naman si Ali na nakinig sa kanya.
Ayon sa simula ng salaysay sa kuwento ni Turil. Ang lolo ni Ali na ama ni Amarilyo ay isang nirerespeto sa larangan ng pangangaso, isang Mangangayam kung tawagin noon ng mga kabayong at karatig bayan. At hindi lang sa mga hayop magaling sa pambibitag at panghuhuli si Balmon, ang lolo ni Ali. Kung hindi pati sa pagtugis at pagpatay sa mga halimaw na nakatira sa kakahoyan.
“Mamamatay ng halimaw ang lolo ko Turil?” namanghang tanong ni Ali.
“Hindi lang basta mamamatay Ali, isang bayarang tagatugis ang lolo mo. Ilang mga ginto at pilak kapalit ng mga ulo ng mga halimaw na naging sakit ng ulo noon sa mga mamamayan sa paligid ng Buklod.” tugon ni Turil.
Sakup ng lupain ng Buklod ang nayon ng Kalatsutsi, ang nayon nila ni Ali. Nagpatuloy pa sa pagkuwento si Turil.
Ayon pa sa kanya, noon pa man salot na sa lahat ang pananalakay ng mga halimaw sa mga kanayunan at bayan. Walang makapagsabi kung bakit bigla na lang nagkaroon ng mga halimaw. Ayon sa iba, sumpa iyon ng mga mangkukulam na pinaslang ng mga pari. Dahil sa walang awang pagtugis sa kanila, isinumpa nila ang mga tao na naging sanhi ng kanilang kamatayan at naging mga halimaw. May nagsasabi rin na may gumambala sa himbingan ng mga ito kaya sinalanta ang mga tao bilang ganti sa pagsira ng kanilang tirahan. Gayunpaman walang tumpak na pinagmulan ang kuwento. Hanggang sa nakilala na nga si Balmon ,ang kaisa-isang lalaking tumindig para ipaglaban ang mga kabayong laban sa mababangis at mga nakakatakot na halimaw. Minsan na naging alamat ng Kalatsutsi ang kabayanihan ng lolo ni Ali sa dami ng mga halimaw na pinaslang nito at pinugutan ng ulo. Iyon ang simula na naging tanyag si Balmon, maging ang mga datu at hari sa malalayong lupain, hinahabol ang kanyang serbisyo kapalit ng mga ginto, pilak at mamahaling kagamitan.
“Ngunit nagbago ang lahat ng minsan isang araw, sinalakay ng halimaw na ibong apoy ang isang nayon, hinanap nila ang tulong mula sa lolo mo, sinisigaw nila habang umiiyak ang pangalang Balmon. Ngunit walang dumating para iligtas sila sa nag-aapoy na ibon. Tinupok nito ang buong nayon, marami ang nasawi at naabo ang lahat. Galit sila sa lolo mo. “ kuwento pa ni Turil
“Bakit naman sila nagalit kay lolo, baka naman may ginawa pang iba ang lolo kaya hindi agad naka punta.”
“Hindi rin, dahil bago pa ang lahat nakiusap na ang mga taga-nayon na iyon sa lolo mo, dahil minsan na nilang nakitang umaaligid sa lugar nila ang umaapoy na ibon. Subalit tumanggi ang lolo mo sa pagtulong dahil walang sapat na pambayad ang mga ito. Naging ganid ang lolo mo Ali. Nasilaw ito sa kinang ng mga ginto. Nilisan ng ama mo ang nayon na iyon at di na bumalik.”
Dagdag pa ni Turil, dahil sa nangyari nasira ang reputasyon ni Balmon. Pinaratangan pa ito ng iba na siyang may gawa sa mga halimaw upang may pagkakakitaan. Na isa itong mangkukulam. Kinalimutan ng mga tao ang mga nagawa nitong pagtulong sa kanila. Kinasama iyon ng loob ni Balmon at naisipang bumukod sa labas ng nayon. Malayo sa mga tao. Itinigil ang kanyang misyon at namuhay ng ordinaryo sa piling ng babae na nakilala niya sa liblib na sulok ng kakahoyan. Ang naging lola ni Ali na si Hasinta.
Lalong lumakas pa ang hinala ng mga tao ng sa paglisan ni Balmon, wala ng mga halimaw ang umaatake sa kanila. At ito ang nag-udyok sa mga kanayunan na tugisin si Balmon at patayin. Sa kanya lahat sinisi ang mga buhay na nalagas dahil sa mga halimaw na ayon sa mga tao , kagagawan mismo ni Balmon.
Nang matagpuan nila ang bahay ni Balmon , sinunog nila ito habang tulog noon ang mag asawa. Pinatakas ni Balmon ang noo’y buntis na si Hasinta. Naiwan si Balmon sa natutupok nilang bahay. Hiyawan naman sa tuwa ang taongbayan. Naghihiyawan ito sa saya habang pinagmamasdan ang nauupos na kubo ni Balmon. Ngunit ang kanilang kasayahan ay daglian napalitan ng takot at pagkagimbal nang mula sa mga naglilingas na apoy lumabas ang ibong apoy. Nagsitakbuhan ang mga ito, kanya-kanyang hanapan ng mapagtataguan. Ngunit iilan lang ang nakaligtas sa galit na halimaw.
Kinaumagahan sinuri ng mga taga bantay pamayapa ang pinangyarihan ng sunog, kasama ang iba pang mga taga nayon. At doon isang bangkay ng lalaki na tustado ang kanilang natagpuan sa ilalim ng naabong bahay.
“Ang sama-sama ng mga tao. Pinatay nila ang lolo dahil lamang sa maling paratang.” Ang naiyak na sambit ni Ali.
“Ganun talaga, minsan nga mas malupit pa ang mga tao sa halimaw O hayop. Pero wala na tayong magagawa dun. Iyon ang kuwento ng lolo Balmon mo. Naging bayani, pero naging kalaban din sa mata ng mga natulungan niya.” saad ni Turil.
“pero hindi mangkukulam ang lolo.”
“Talagang hindi, dati kaya akong kasama ng lolo mo sa pangangaso noon. At kung may nakakakilala man sa lolo mo ako iyon. Apat na taong gulang palang ako ng kupkupin ako ng lolo mo kaya alam ko ang di nila alam sa lolo mo.” Ani pa ni Turil kay Ali.
Nais pa sana magpakuwento ni Ali kay Turil ngunit narinig na nilang umuungol si Amarilyo. Gising na ito,agad nanumbalik na ang lakas. Bumangon ito sa higaan at agad tumayo.
“Ayos ka na ba Amarilyo?” tanong ni Turil sa ama ni Ali
“Turil ikaw pala, huy Ali halika na, umuwi na tayo baka hinahanap na tayo ng ina mo.” wika pa ni Amarilyo sabay hablot sa kamay ni Ali palabas ng pagamutan.
Nakasunod sa dalawa si Turil. Hinahabol nito ang mag ama ngunit nagmamadali si Amarilyo na tila ba iniwasan si Turil.
“Ama, hintayin muna natin si Turil. Mukhang may kailangan siya sa iyo ama.” saad ni Ali sa ama.
“Umiwas ka sa taong iyan, bilisan ang paglakad at nagaalala na panigurado ang ina mo. “ saway pa ng ama.
“pero si Turil po ang tumulong sa iyo kanina ama.”
“Wala akong paki-alam. Bilisan mo ang paglalakad”. ayon pa sa ama ni Ali sa galit na tuno.
Napansin ni Turil ang tila pag iwas ni Amarilyo. Huminto ito sa pagsunod sa dalawa at pinagmasdan na lang ang mag-ama palayo sa kanya hanggang sa naglaho na ang mga ito sa kanyang paningin nang humalo ang mga ito sa mga naglalakad na mga tao.
-*-
Pagkapasok pa lang sa kanilang bahay,agad na binulyawan si Amarilyo ng asawa nitong si Morgana. Galit ito dahil sa nakarating na sa kanya ang nangyari kay Amarilyo sa pagawaan.
“Paano ngayon ito Amarilyo, ano na lang ang ipapakain mo sa amin ng mga anak mo, mga dayami at damo? Kung bakit ba kasi nagpahuli ka ng lasing sa buwetreng Lord Vitto na iyon!” Ang paninisi pa ni Morgana sa asawa.
“Huwag mo nga ako pagtaasan ng boses. Kung magaling kang asawa di sana nagtatrabaho ka rin. Hindi iyong sa akin mo na lang i-aasa ang nilalamon niyo. Hayaan mo bukas, hahanap ako ng panibagong mapagkakakitaan.” ang padabog na tugon ni Amarilyo.
“Si Ali, ilang taon na lang at kakailanganin na natin siyang ibigay. Sana gumawa ka man lang ng paraan para mapigilan iyon. “ pabulong na wika ng asawa kay Amarilyo.
“Hindi ko ibibigay sa kanya ang mga anak ko, tandaan mo iyan. Hinding-hindi niya malalaman ang kinaroroonan natin kaya itikum mo iyang bunganga mo. Nasaan na si Farah?” Ang mahinang tugon ni Amarilyo.
“Nasa silid, natutulog” ayon pa kay Morgana.
Inutusan ni Amarilyo si Ali na puntahan nito ang kapatid sa kanilang silid para silipin. Sumunod naman si Ali. Ngunit nang pagpasok ni Ali para tingnan ang kapatid, wala ito roon. Tinungo ni Ali ang bukas na bintana baka dumaan doon ang kapatid at nahulog ngunit wala ito roon. Nilapitan ni Ali ang ama at sinabi na hindi niya nakita sa silid nila si Farah. Napabalikwas sa kinauupuan nito si Amarilyo at tinungo ang silid ng mga anak. Kinabahan ito nang hindi niya nakita ang bunso. Narinig ni Morgana ang ingay sa loob. Nagmadali itong pumasok ,at nang malaman ang nangyari sa bunso hinanap niya ito sa buong bakuran. Nagsisihan na ang mag-asawa sa pag-kawala ng kanilang anak na babae.
Nais man tumulong ni Ali sa pag hahanap sa kapatid hindi rin nito alam kung saan magsisimula. Nakatayo lang ito sa isang sulok habang pinagmamasdan ang mga magulang aligaga at natataranta na sa kahahanap sa kapatid. Napalingon muli si Ali sa kanilang silid nang may narinig itong tumatawag ng kanyang pangalan. Lumapit doon si Ali at hinawi ang kurtinang tabing sa silid. Nakatayo lang doon si Ali na hinahanap ang pinagmulan ng mahinang boses. Napagtanto ni Ali na nagmumula iyon sa ilalim ng kanilang higaan. Lumuhod ito roon para silipin ang ilalim. May nakita itong mga nakausling ugat mula dun. Tumayo si Ali para maitulak ang higaan at upang malinaw na makita ang ilalim nito. Nang maitabi na ni Ali ang higaan nagulat ito sa kanyang nakita sa sahig ng kanilang silid sa ilalim ng kanilang higaan. Isang butas na sakto lang sa kanyang katawan ang laki. Malalim ito at may mga ugat pa ng puno na nakalabas doon.
Sumisilip sa butas na iyon sa sahig si Ali, nagimbal na lang ito nang bigla na lang umuga ang buong silid, at tila lumaki ng tuluyan ang butas sa sahig. Natigalgal si Ali nang may lumabas na higanteng gagamba mula roon nakakatakot ang mukha , tangan nito sa kamay ang nakabalot sa sapot na kapatid. Napasigaw na lang si Ali nang maging ito ay binugahan ng sapot ng halimaw na gagamba.
At bago pa tuluyang mabalot ng sapot si Ali, lumitaw muli ang misteryosong lalake na naka pulang balabal. At gamit ang malaki nitong palakol binigwasan nito ng isang hampas ang halimaw at agad na nahati ang katawan nito. Nabitawan nito ang kapatid ni Ali na kanya namang sinalo. Nahulog pabalik sa butas ang halimaw na gagamba. Tuloy-tuloy itong bumulusok sa kailaliman ng butas. Inabot ng lalake kay Ali ang kapatid na walang malay. Kasunod nito ang pag talon ng lalake sa malaking bintana ng silid para tumakas. Hinabol pa ng sigaw ni Ali ang lalake ngunit mabilis itong naglaho sa mga punoan sa likuran ng bakuran nina Ali.
Sa sigaw ni Ali napasugod naman ang mga magulang nito. At nagtaka ang mga ito nang sapong-sapo na ni Ali si Farah na mahimbing ang tulog.
“Saan mo nakita ang kapatid mo Ali?” tanong ni Amarilyo.
“Sa ilalim po ng aming higaan ama. Kinuha siya ng halimaw na gagamba na nakatira sa butas sa ilalim ng sahig. Buti na lang at nailigtas kami ng taong nagligtas din sa akin noon.” kuwento pa ni Ali
Ngunit ipinagtaka nito dahil buo ang kanilang sahig at wala man lang bahid ng kung anong butas doon. Litong-lito si Ali sa mga nangyari, klarong-klaro sa mga mata niya ang lahat, hindi iyon isang panaginip O malikmata lang. Agad na kinuha ni Amarilyo si Farah kay Ali at sinabihan si Ali na lumabas ng silid. Inutusan din nito si Morgana na mag impake ng mga gamit at lilisanin nila ang bahay nila na iyon.
“Saan naman tayo lilipat nito Amarilyo? Wala tayong salapi, paano tayo mag sisimula. At papadilim na rin.” Tutol pa ni Morgana habang nagbabalot ng mga gamit.
“Bahala na, sa nangyari kanina May kutob akong nahanap na niya tayo. Babawiin niya sa atin ang mga anak ko. At hindi ko hahayaang mangyari iyon. Hindi ako tutupad sa kasunduan. Bubuhayin kong normal ang mga anak ko. Naiintindihan mo ba iyon Morgana?” ang tugon ni Amarilyo.
Unang pinasampa ni Amarilyo si Ali sa bagon, sinunod si Farah na mahimbing parin ang tulog. Hindi na tumutol pa si Morgana at sumakay na rin ng bagon. Nang masigurong maayos na ang asawa at mga anak sa loob ng bagon , kinabit na nito ang renda ng dalawang kabayo sa bagon. Napatingin na may bigat sa dibdib si Amarilyo sa kanilang bahay nang papalabas na ang mga ito sa bakuran.
Ipinagtaka ng mga kapitbahay nila ang biglaang paglisan ng mag pamilya. Inakala pa ng iba na dahil ito sa ginawa ni Amarilyo sa pagawaan. At marahil sa kahihiyan kaya napilitang lumisan ng mga ito. Nagpatuloy sina Amarilyo, binagtas nila ang daan palabas sa kanilang nayon. Mapapadaan ang mga ito sa mansiyon ni Lord Vitto. Napatingala roon si Amarilyo nang mapansin ang matapobreng matanda na nakatayo sa isang silid na nakaharap sa bintana at nakamasid sa kanila.
“Mabuti naman at naisipan nilang umalis dito nang mabawasan na ang mga patay-gutom sa lugar natin. Akala ko napuruhan ko na ang lasenggo na iyan, may sa pusa pala ang tarantado.” usal ni Vitto habang pinagmamasdan ang pamilya ni Amarilyo na papadaaan sa harapan ng kanyang mansiyon.
Sinundan pa nito ng tingin ang bagon ng magpamilya hanggang sa makalampas na ng tuluyan ang mga ito sa kanyang bahay.
“Lord Vitto, nakahanda na po ang hapag kainan.” paglapit ng kasambahay kay Vitto.
Napangiti ng lihim si Vitto bago ito lumisan sa harapan ng kanyang bintana. Bumaba na ito para tunguhin ang kumidor kung saan naka-latag na ang magarbong hapunan para sa kanya at sa kanyang panauhin ng gabing iyon. Nasa tapat na ito ng pintuan ng kanyang kumidor nang tinanggal nito ang mabalahibo nitong panlamig na suot at ibinigay sa kanyang katiwala.
“Butcher ,nasa loob na ba sila?”
“Kanina pa Lord Vitto, ikaw na lang ang hinihintay nila sa loob.” Ang tugon ng katiwala nito bago nito pinagbuksan ng pinto ang amo.
Pagkabukas ng pintuan ng kumidor, agad na nagsitayuan ang mga nasa hapag kainan bilang pagbati sa paparating na si Lord Vitto. Subrang garbo ng hapunan na iyon, lahat ng mga pinaka masasarap na pagkain ng mayayaman, mga karne, malalaking lobster,mga prutas, matataba na halos ga-hitang na sa laki na mga isda at kung ano-ano pa ang mga nakahain sa mahabang lamesa. Kumikinang pa ang mga kagamitan at kubyertos na yari sa mga ginto at kristal na naroon. May limang katao ang nandoon sa mahabang lamesa na nakatayo. Isang napaka-glamurosang babae, sa suot pa lang nito mababanaag na ang karangyaang meron ito. Sa tabi nito ang dalawang mga anak na babae na nasa sampung taong gulang ang edad, mapopusyaw ang mga balat na tila hindi nakatikim ng sinag ng araw. Mapuputi lang ang mga ito pero wala sa mukha nila ang ganda ng kanilang ina. Nasa kabila naman ang isa pang babae na nakakasilaw ang ganda. Pulang-pula ang hugis puso nitong bibig at napaka itim ng mahaba at tuwid nitong buhok. Katabi naman nito ang isang lalake na matangkad, magandang lalake,mahaba ang kulot nitong buhok. Bigotilyo, nakapostura na parang isang pirata. May gintong kalawit na halili sa kanang bahagi ng kamay nito na putol. Sila ang mga panauhin ni Lord Vitto ng gabing iyon.
Pagkaupo ni Vitto sa kanyang puwesto, nagsi-upuan din ang mga bisita.
“Madame Kristel, Lady Lavain, Krispolo at sa dalawang bulaklak ng mga Humster, magandang gabi sa inyong lahat. Kumain muna kayo. Sadyang pinahanda ko para sa inyo ang lahat ng ito. Magpakabusog tayo bago natin pagusapan ang pinunta niyo dito.” bungad na salita ni Lord Vitto sa mga bisita.
Mayamang tao si Vitto,hindi lamang mayaman sa salapi, makapangyarihan din ito at maraming koneksyong mga hari at obispo sa mga karatig lupain at kaharian. Higit pa roon may higit pang meron si Vitto na siyang pinunta at kinailangan sa kanya ng kanyang mga bisita.
Samantala nakalabas na ng nayon ang pamilya ni Amarilyo. Sa isang gulod sa hangganan ng Patag at Kansilay ang napili nilang panibagong tahanan. Doon sinimulang itinayo ni Amarilyo ang panibagong pundasyon ng kanyang pamilya.
-*-
“Unwanted Help”
Chapter 2 -Unwanted Help-
Mabilis na umusad ang panahon, at tila bugso ng unos kung lumipas ang mga taon. Labing limang taong gulang na si Ali at sampung taong gulang naman si Farah. Naging suwerte ang panibagong tahanan ng magpamilya. Dahil sa galing ni Amarilyo sa pagpapanday, nakabili ito ng isang baka na siya namang naging katuwang nila sa hanapbuhay. Ang bawat galon ng gatas mula sa kanilang baka ay siya namang nirarasyon ni Ali sa bayan. Bukod sa pagtitinda ng gatas, nagtatrabaho din si Ali sa isang panaderya na pag aari ng isang Arabo na si Jhabar. Pagtatanim naman ng mga gulay ang naging libangan ni Morgana na siya namang nagiging katuwang nila para maitawid ang pang-araw-araw nilang pagkain.
Mula naman sa panaderya ni Jhabar dinadaanan naman ni Ali ang kapatid na si Farah sa paaralan nito para sabay na ang dalawa sa pag-uwi. Huling araw na ng pasukan ng linggong iyon, maaga natapos ang trabaho ni Ali sa panaderya.
“Ali, dalhin mo na itong isang supot ng minatigas na tinapay na may keso at pulot. Maaga ako magsasara ngayon dahil sa may dadayuhin akong kaibigan sa ibayong baybayin ng Kuron. Sa makalawa ka na bumalik. Ikamusta mo na lang ako sa mga magulang mo. At mag ingat kayo ng kapatid mo sa pag-uwi.” Wika ni Jhabar kay Ali nang mag paalam na ang batang lalake sa kanya.
“Maraming salamat po dito sa mga tinapay , ginoong Jhabar. Kayo din magingat sa pupuntahan niyo.”
Masaya si Ali dahil sa wakas makakatikim na rin sila ng tinapay na tanging mga Alta lang ang nakakabili. Tuwang-tuwa itong nag paalam sa mga kasamahan sa panaderya. Isang gusali na lang at paaralan na ng kanyang kapatid. Ngunit nang papalapit na ito sa naturang paaralan, nagtaka ito sa katahimikan ng paligid. Wala man lang ang mga ingay ng mga estudyanteng nag aaral doon. Maging ang daan patungo doon walang katao-tao na dati naman napakaingay at maraming tao sa bahaging iyon. Nasa bungad na ng paaralan si Ali. Sarado ang pintuan nito nun. Kakatok na sana ito, nang bumukas ang pinto. Isang matandang lalake ang sumilip sa pinto. Ang tagalinis ng paaralan. Tinanong ito ni Ali tungkol sa mga estudyante, ngunit na tulala na lang si Ali nang sabihin ng matanda na maagang nagsiuwian ang mga estudyante dahil sa may mahalagang pinuntahan ang kanilang mga guro. Wala nang nagawa pa si Ali kung hindi ang suyurin ang daan nilang magkapatid sa tuwing papauwi ang mga ito. Mangalahati na ang nilalakad ni Ali ngunit wala itong nakitang sinyales na makikita niya ang kanyang kapatid. Kabado na at nag aalala ito baka sakaling may nangyari namang masama sa bunso. Lumalaro na rin sa isipan nito na baka kinuha na naman ng halimaw ang kapatid. Patakbo itong tinungo ang kanilang bahay, para isumbong sa mga magulang ang pagkawala ng kapatid.
Binilisan pa nito ang mga hakbang at pagtakbo upang marating kaagad ang kanilang bahay. Sa bungad pa lang ng kanilang bakuran sumisigaw na ito at tinatawag ang mga magulang. Dahil sa takot na takot na boses ni Ali, napalabas naman agad sina Amarilyo at Morgana. Sinalubong ng mga ito ang humahangos at namumutlang si Ali.
“Nawawala si Farah ama, ina!” bulalas agad ni Ali ng makahinga ito.
“Anong nawawala? nasa loob na ang kapatid mo, nasa kusina,kumakain. Nadaanan siya ng ama mo habang nakaupong mag isa sa gilid ng ubasan. Hali na at nang makakain. Nag luto ako ng sopas na gawa sa mga kabute at mais.” natawang sambit ng ina nito kay Ali.
“Maghilamos ka muna sa balon Ali bago ka pumasok. Ang dungis ng mukha mo. Bilisan mo nang sabay na tayong kumain.” nakangiti pang sabat ni Amarilyo sabay tapik sa balikat ni Ali.
Pagkapasok nga ni Ali sa kusina ay agad niyang niyakap ng mahigpit ang kapatid na si Farah. Lumapit narin sa kanila ang kanilang ama’t ina at niyakap silang magkapatid ng subrang higpit. Inilatag ni Ali ang dalang tinapay sa isang lalagyan, at unang hinatian ang kapatid. Masaya si Amarilyo na nakatingin sa mga anak. Batid niyang tama ang ginawa nilang pagpapalaki sa mga ito. Ngunit sa kabila ng ngiti na gumuhit sa kanyang labi,hindi maitatago ng kanyang mga mata ang pangamba sa maaring sapitin ng kanilang mga anak sakaling may mangyari sa kanilang mag-asawa. Napansin naman iyon ni Morgana kaya napahawak ito sa kamay ng asawa na nakapatong sa lamesa at pinisil iyon ng bahagya dahilan para mabaling sa kanya ang tingin ni Amarilyo. Nagkatitigan ang dalawa na tila ba ay may kasunduan ang kanilang mga tinginan. Pinagsaluhan nilang pamilya ang simpleng pagkain na nasa harapan nila.
Rinig pa mula sa labas ng kanilang bakuran ang kanilang tawanan at kuwentuhan. Larawan ng Isang payak ngunit masayang pamilya ang mayroon sa gulod na iyon.
Sa di kalayuan mula sa bahay nila Amarilyo, Isang anino ang nagkubli sa likod ng mayayabong na halamanan at kakahoyan. Aninong tila nag mamasid at nakabantay sa pamilya ni Amarilyo.
-*-
Isang araw noon, abala ang mga tao dahil sa araw iyon ng pasasalamat sa biyaya. Maraming tao sa bawat sulok ng kalye at daan ng bayan ng Patag. Bukas ang lahat ng palengke. At dagsaan ang mga namimili. May mga nag aalok ng libreng pagkain at may nag-aalay naman ng dasal sa mga nais makatanggap ng biyaya. Ang saya ng buong paligid, makulay at nakakagana sa pakiramdam. Aliw na aliw si Ali dahil noon niya lang nasaksihan ang ganung tanawin sa araw-araw niyang pag-baba sa bayan. Hila-hila ang karetong may kargang mga sariwang gatas agad itong dumeritso sa kanyang mga nirarasyunan nito. Lalong naging maganda ang umaga ni Ali dahil mahigit sa doble ang binayad sa kanya ng kanyang mga suki sa gatas. Subra-subra na ang kinita nito sa pagrarasyon palang ng gatas. Galante ang mga tao ng araw na iyon. Bagay na ikinatuwa ng husto ni Ali. Nang maubos ang lahat ng gatas, sa panaderya naman ni Jhabar ang punta nito para tumulong sa pagtinda ng mga tinapay at paglinis narin doon.
“Magandang umaga ginoong Jhabar, mukhang susuwertehin tayo ngayong araw na ito. Ang daming tao.” Pagbati agad ni Ali nang pumasok ito sa panaderya ni Jhabar.
“Magandang umaga Ali. Kaya nga dinamihan ko na ang paggawa ng mga tinapay nang kumita naman ako ng duble.Halika at tulungan mo akong ilabas itong mga naihanda ko. Ilalako mo ito sa labas.” Ani pa ni Jhabar.
“Ako nang bahala sa mga ito, tiyak na mauubos ito bago pa tumanghali.” Saad pa ni Ali na may galak sa mukha at positibong ngiti.
“Pag napaubos mo lahat ng iyan,ipag luluto kita ng espesyal na tinapay na tanging mga hari lang at sultan ang nakakakain.” Ang napangiting tugon pa ni Jhabar.
Agad na sinimulan ni Ali ang kanyang suwerte ng araw na iyon, at gaya nga nang nasabi niya wala pang tanghali, naubos agad Ang mga nilako nitong mga tinapay at maging ang mga nasa estante ng panaderya ni Jahbar nasimot dahil sa diskarte ni Ali sa pagbenta ng mga ito. Ikinatuwa iyon ni Jhabar dahil hindi lang duble ang kinita ng kanyang panaderya halos trumiple pa. At bilang pasubra sa ginawa sa kanya ni Ali, nagluto nga ito ng espesyal na tinapay.Amoy palang nito nakakagutom na sa sarap.
Masaya si Ali sa ginawa na iyon ni Jhabar, ngunit Bago pa ito umuwi, tumulong muna ito sa paglinis ng panaderya. Abala noon si Ali sa likuran nang marinig nitong nakikipagtalo sa labas si Jhabar. Sumilip si Ali at tiningnan kung sino ang kausap ng panaderong amo. Isang matabang lalake na ubod ng kinis ang balat, para itong tinapay na pinahiran ng mantikilya dahil sa makintab na kulay kayumanggi. Ngunit nakakatakot ang mukha nito sa subrang katabaan lalo na sa ngipin nitong nangingilaw na at patulis ang mga dulo na parang mga pangil na. Rinig na rinig pa ni Ali ang pinagtatalunan ng dalawa.
“Hindi kami nagbebenta ng ganung tinapay, at ubos na rin naman ang mga paninda namin. Bumalik na lang kayo bukas at ipagluluto ko kayo ng gusto niyong tinapay.” Tugon pa ni Jahbar na pinapalabas na ang matabang lalake.
Ngunit mapilit ang naturang lalake na nagmamatigas na lumabas.
“Amoy na amoy ko pa ang bagong lutong tinapay, kaya huwag mo akong lokohin. Akin nayang tinapay at kailangan ko iyon. Gusto ko ng tinapay! Bigyan mo ako ng tinapay, kung ayaw mong Ikaw ang kainin ko! Akin na ang tinapay!” Angil pa ng lalake na ibinitin na si Jahbar pataas gamit ang malakas nitong braso.
Sa takot na masaktan pa ng lalaking iyon ang among panadero, lumapit si Ali sa kanila na hawak ang isang malaking supot na may lamang tinapay. Ang espesyal na tinapay na sinadyang ginawa ng panaderong si Jhabar para lamang kay Ali bilang pasasalamat sa nagawa nito sa kanya nang araw na iyon. Nabaling ang tingin ng matabang lalake kay Ali at sa hawak nito. Kita pa ni Ali kung paano lumaki ang butas ng ilong ng matabang iyon nang maamoy ang bango ng tinapay na hawak. Binitawan ng matabang lalake si Jhabar at mabilis na lumapit kay Ali.
“Akin na iyan! dali!!!” sigaw ng lalake na tila nababaliw. Tumutulo na ang laway nito sa bibig habang nanlilisik ang mga dilaw na mata.
Natakot si Ali sa itsura ng lalake, ngunit nanatili itong kalmado.
“Sa inyo na po itong tinapay,pero pangako lumabas na po kayo, magsasara na po kasi kami.” ani pa ni Ali habang inaabot na sa lalake ang supot.
Kabado namang nakaabang lang sa sulok si Jhabar, hawak na nito sa kamay ang palang ginagamit niya sa hurnohan at pugon. May nginig at takot parin ito sa kanyang mukha. Sa tuwing lumalapit naman ang lalake kay Ali ay siya namang atras nito.
“Akin na iyan!” Paulit-ulit na anas ng lalake sabay angil.
Nang wala nang maatrasan si Ali napilitan na lang itong itapon sa lalake ang supot na agad namang sinalo nito. Ikinagulat ni Ali ang ginawa ng lalake nang mahawakan ang supot. Bigla na lang bumukas ng napaka-laki ang bunganga nito, subrang laki na halos malantad na ang buong gilagid nito at ang matutulis na mga ngipin na naninilaw at medyo bulok. Nakakatakot ang mukha nito na parang hindi na ordinaryong tao.
“Halimaw!!!” ang tanging naisigaw ni Ali nang-umunat pa ng napaka-laki ang bunganga ng lalake at lumabas ang dila nitong mahaba na may sarili rin na mga ngipin at bibig. Agad na nilantakan ng lalake ang tinapay sa loob ng supot, doon nakahanap ng pagkakataon si Ali para tumakbo papalapit kay Jhabar. Nahintakutan na rin si Jhabar nang makita ang pagbago ng anyo ng matabang lalake. Maging ang balat nito ay lalong lumutong at nangintab na parang litson. Akmang lalabas na sana sina Jhabar at Ali sa panaderyang iyon nang bigla na lang humarap sa kanila ang matabang lalake,nakalaylay na ang malaki nitong mga panga at kumakawag pa ang mahaba nitong dila na may sariling mga ngipin. Lalong nasindak ang dalawa sa anyo ng lalake.
“Gusto ko pa!!! Gutom pa ako!!!” Ang sigaw ng lalake. “Gumawa ka pa ng marami! Kailangan ko ng ganung tinapay!”
Akmang susugurin na ng matabang lalake sina Jhabar at Ali nang bigla na lang mula sa labas ,pumasok sa loob ang lumilipad na malaking palakol na bumasag pa sa estate ng panaderya ni Jhabar. Tuloy-tuloy ito patungo sa direksyon ng matabang lalake. Sapol agad nito ang lalamunan. Bumaon iyon sa lalake, dahilan para mangisay ito at tuluyang bumagsak sa sahig. Napaatras naman sina Jhabar at Ali nang pumasok sa loob ng panaderya ang isang lalaking naka-pulang balabal.
Nanlaki ang mata ni Ali nang makita nitong muli ang lalakeng minsan na nag ligtas sa kanya. At nagligtas muli sa kanila ngayon. Wala itong pinag-iba sa kanyang ayos, katulad parin ito noong una niya itong nakita. At nanatili parin ang misteryo nito para kay Ali dahil hindi pa nito nasilayan ang mukha ng taong iyon. Lumapit ang lalakeng naka balabal sa nangingisay paring lalaking mataba. Hinugot nito ang naka-baong palakol sa leeg ng halimaw na tao. At muli nitong hinataw sa ulo, gamit ang palakol na iyon.
Kitang-kita nina Jhabar at Ali kung paano humiwalay sa katawan ng matabang lalake ang ulo nito. Nang masigurong tapos na ang kanyang pakay tumalikod na ang lalakeng naka balabal at pasimple itong lumabas ng panaderya na tila ba sa wala lang. Ni hindi man lang ito tumugon O nagsalita sa dalawa. Natulala na naman si Ali sa kanyang nasaksihan. Susundan pa sana ni Ali ang lalake ngunit mabilis itong naglaho sa mga taong nakatayo sa labas.
Binalingan naman nina Jhabar at Ali ang bangkay ng matabang halimaw. Ngunit laking pagkamangha ng mga ito nang makitang unti-unting naging pulbos ang katawan at ulo nito, maging ang mga tilamsik ng dugo na-nuyot at naging mga pulbos. Hanggang sa tinangay nalang ito ng hangin palabas sa panaderya. Naiwang malinis ang paligid na para bang walang nangyaring kababalaghan doon. Bukod sa mga bubog sa sahig gawa ng nabasag na salamin ng estate. Wala ng bakas na naiwan sa loob ng panaderya.
Nagkatinginan na lang ang dalawa na puno ng mga katanungan at pagtataka ang mukha. Maging sila, hindi makapaniwala sa kanilang naranasan at nasaksihan.
“Umuwi ka na sa inyo Ali, at huwag na huwag mong ipagsasabi ang nangyari dito dahil wala namang maniniwala sa atin. Iisipin pa ng mga tao na baliw tayo. Tahasang ipinagbabawal ang pag usapan at magkalat ng kuwento tungkol sa mga halimaw. Kaya itikom mo iyang bibig mo. Magpapadala na lang ako ng tinapay sa inyo. Sa ngayon umuwi ka na at kalimutan na ang nangyari.” paalala ni Jhabar kay Ali habang wina-walis nito ang mga bubog na nag kalat sa sahig.
“Sino kaya ang taong iyon? Bakit alam niya ang nangyayari kanina?” mga katanungan na namutawi kay Ali.
“Hindi ko alam, hindi ko kilala at kung sino man iyon magpasalamat tayo sa kanya at naagapan niya ang buhay natin. Sige na umuwi ka na at ako na bahala rito. Pambihira, minsan na nga lang ako gumawa ng ganung klaseng tinapay pero mukhang iyon narin ang huli ko.” ayon pa kay Jhabar.
“Masarap naman kasi talaga ang tinapay mo ginoong Jhabar kaya hindi malabong maging ang ganung klaseng halimaw gugustuhing matikman ang gawa mo.” Nakangising tugon naman ni Ali.
Papauwi na si Ali at laman parin ng isip niya ang nangyari sa panaderya. Walang pasok noon si Farah kaya hindi na dumaan ng paaralan si Ali. Hapon na ngunit marami paring tao saan man bumaling ng tingin si Ali. Nasa palengke na ito nang makita niya ang naka-balabal na lalake na namimili at nakiki-tingin sa mga paninda sa bangketa. Sinundan ito ni Ali. Ngunit tila nakatunog ang lalake na sinusundan siya ni Ali kaya mabilis nitong nilisan ang binilhan nito at humalo agad sa mga taong nandoon sa palengke.
Matalas ang paningin ni Ali kaya kahit na humalo pa sa mga kumpol ng mga tao ang lalakeng naka-pulang balabal ay nakita niya parin ito. Patuloy nitong sinundan ang lalake hanggang sumuot ito sa isang makipot na eskenita. Tatawid na sana si Ali para sundan ang lalake nang may dumaang mga kambing sa harapan niya na hila-hila ng isang tindero. Hinintay muna ni Ali na makadaan ang lahat ng mga kambing at nang makalampas na nga ang mga ito, patakbong sinundan agad ni Ali ang dinaanan ng lalaking hinahabol. Ngunit nakalabas na ito sa eskenita na iyon nang hindi niya na inabutan ang lalake. Palinga-linga ito sa buong kalye ngunit wala na sa lugar na iyon ang sinusundan.
-*-
Nawalan na ng pag-asa si Ali na makita pa ang lalakeng naka balabal. Bigo itong bumalik sa kanyang landas pauwi. Nang sa daan, nagtataka ito sa ingay ng mga kabataan at mga taong nagkumpulan sa plasa. Sa kuryosidad ni Ali Naki usyuso ito roon. Napa-tingkayad na ito makita lamang ang pinagkakaguluhan ng mga tao at kabataan sa gitna ng plasa.
“Ale ano bang meron at aliw na aliw ang mga tao?” tanong ni Ali sa babaeng kagagaling lang sa harapan ng mga tumpok ng tao.
“Isang salamangkero, nagtatanghal kasama ang mga tila buhay niyang mga manikang kahoy.” ang tugon ng babae.
Gustong-gusto ni Ali na makita ang nasabing palabas kaya, naki-siksik ito at sumingit sa mga diwang ng mga tao para lang marating ang unahan. Ngunit nang nasa harapan na ito, nanlumo si Ali dahil tapos na ang pagtatanghal ng nasabing salamangkero. Naka-ligpit na ang mga laruang manika na yari sa kahoy. Naka-karga na ang mga ito sa dalang bagon. At nangungulekta na ng pera ang Matandang lalake sa mga nanuod ng kanyang palabas.
“Wala na po ba kayong palabas ginoo?” tanong ni Ali sa matanda.
“Tapos na ,pero kung may limampung barya ka ng ginto, magtatanghal ako ng eksklusibo sa iyo.” Nakangising tugon ng matanda kay Ali.
“Ibig ko pong sabihin, hindi na ba kayo magtatanghal muli sa ibang araw?” tanong muli ni Ali.
“Sa kabilang bayan marahil, kung makakapunta ka at masundan mo ako roon baka maabutan mo ang muli kong pagtatanghal.” Ayon pa sa matanda na hinawakan pa sa ulo si Ali ,sabay gawad ng napakalaking ngiti.
Sumakay na sa kanyang dalang bagon ang matanda nang mapalingon muli ito kay Ali na nakatingin padin sa kanya. Tinawag niya si Ali at pinalapit sa kanya. Tinanong nito si Ali kung may alam itong murang paupahang bahay para mapaglipasan nito ng gabi. Walang alam si Ali sa tanong sa kanya ng matanda, kaya umiling ito.
Paalis na sana ang matanda, nang biglang inalok ni Ali ang bahay nila sa gulod. Lumiwanag ang mata ng matanda sa alok ni Ali. Agad nitong pina-sampa sa kanyang bagon ang binatilyo. Nakalimutan na ni Ali ang tulak-tulak nitong kariton na iniwan niya sa isang tabi, sa pagmamadali na makasampa sa bagon ng matanda.
“May kalayuan nga lang ng kunti sa bayan ang sa amin, pero may bakanteng tulugan po si ama sa labas ng bahay, para po iyon sa mga bisita ni papa na ginagabi na sa pag-uwi. Puwede ka roon ako na bahala kay ama at ina. Hindi na kasi tumatabi sa akin ang kapatid kong babae, kaya malabo nang mapagamit sa iyo ang isang silid namin.” sabi pa ni Ali sa matanda.
“May kapatid ka pa pala? babae?” tanong pa ng matanda kay Ali.
Sumagot naman ng deretso si Ali, kinuwento nito ang tungkol sa kanyang kapatid. Sa puntong iyon ng kanilang pag-uusap nagpakilala ang matanda na si Geppito. Isang manlalakbay na musikero at salamangkero na nagtatanghal gamit ang mga manikang yari sa kahoy. Mga inukit na manika na parang mga totoong bata. Mga buhay na manikang kahoy ayon pa sa mga nakakasaksi sa kanyang mga palabas.
Narating nila ang bahay nina Ali bago pa magtakip-silim. Palubog narin ang araw ngunit maliwanag pa. Tanaw na ni Ali ang kanilang bakuran kung saan naroroon ang inang si Morgana na nagliligpit ng mga sinampay. Pakaway-kaway pa si Ali at tuwang-tuwa habang tinatawag ang kapatid na si Farah na nuoy nasa bakuran din at nagpapakain ng mga alaga nilang manok.
“Magandang araw sa iyo magandang babae, Ipagpaumanhin niyo ang kapahangasan ko sa pagdayo sa munti niyong kaharian.” Pagbati agad ni Geppito sa ina ni Ali.
“mama, isa po siyang magaling na Salamangkero na nagtatanghal sa bayan. Naghahanap po siya ng matutulugan ngayong gabi mama, kaya dinala ko siya dito.” Saad pa ni Ali sa ina.
“Ipagpaumanhin niyo ginoo ngunit walang bakanteng silid sa bahay. At hindi namin pinapaupahan ang mga silid namin. “ tugon ni Morgana na tila walang tiwala sa hilatsa ng mukha ng matanda.
“Mama, sabi ko po sa kanya puwede siya sa bakanteng silid sa likod bahay. Mama, sige na maawa na po kayo sa kanya, mahaba pa po ang nilakbay niya. At bilang pagtanaw ng kagandahang loob magtatanghal po siya sa atin ng libre.” pamimilit pa ni Ali.
“Naku Ali pagagalitan ka na naman ng ama mo sa kalokohan na ito. Pasensiya na talaga ginoo, hindi po kami nagpapatuloy ng mga taga labas lalo na hindi namin kakilala.” panindigan pa ni Morgana at pinapasok na sa loob ng bahay sina Ali at Farah.
Sakto naman ang pagdating ni Amarilyo galing sa ilog na may bitbit na malalaking mga isda. Nilapitan nito si Geppito na kausap ang asawang si Morgana. Nakisabat na ito sa pag-uusap ng dalawa. Nang malaman ni Amarilyo ang pakay ng matanda sa kanilang bakuran, tumanggi agad ito at gaya nang ginawa ng asawa, sinabi nitong hindi sila nagpapatuloy ng dayo. Lalo na at hindi paupahang bahay ang kanila. Ngunit naging mapilit ang matanda. Naglabas ito ng isang supot ng baryang pilak mula sa kanyang dala-dalang bag.
“Wala man akong gintong barya na mai-a-alok sa inyo bilang bayad. Marahil sapat na ang mga pilak na baryang ito sa isang gabing pananatili kahit na dito man lang sa bakuran niyo. Sana’y naman akong matulog na nakaupo sa aking bagon.” wika pa ni Geppito, habang dahan-dahang bumubuhos sa kanyang palad ang mga pilak na barya mula sa supot na tela.
Hindi man ganun ka laki ang halaga ng pilak sa ginto, kasing bigat naman ang halaga nito sa pang-araw-araw ng pamilya. Ito kasi ang kadalasang pambayad sa mga pamilihan sa bayan. At sa dami ng pilak na laman ng supot, hindi na masama ang pagbigyan ang hiling ng matanda. Iyon ang nasa isip ng mag-asawa ng makita ang mga pilak na barya. Sinigurado pa ni Amarilyo na ang lahat ng laman na iyon ba talaga ang ipambabayad ng matanda sa kanila para sa isang gabi. At bilang patunay, inabot iyon ng matanda sa kanila.
Tuwang-tuwa si Amarilyo habang binibilang ang mga pilak na barya sa kanyang mga palad. Si Morgana naman ay agad na dinala si Geppito sa bakanteng silid sa likod ng bahay. Dinalhan niya pa ito ng bagong bihis na mga unan at bagong kumot. Pinalitan din nito ng mas malaking gasera ang silid. Iniwan saglit ni Morgana si Geppito sa silid na iyon at bumalik sa kanilang bahay.
Inabutan niyang nag bibilang parin ng barya si Amarilyo sa kusina.
“Aba ang dami pala talaga niyan Amarilyo, hindi naman kaya subra-subra na ang kinuha natin sa matanda?” bungad agad ni Morgana.
“Kusa niyang inabot sa atin ang barya, hindi tayo naningil. At hindi lang ito galing lahat doon sa kanya. Isinama ko na rin dito ang kinita ko kanina. Marami ang nagpagawa sa akin ng mga upuan at gulong ng kanilang mga kalesa. May mga nag-pakumpuni rin ng kanilang mga bagon. Kaya sinuwerte at malaki-laki ang kinita ko ngayong araw. Dagdag pa dito ang kinita nitong si Ali sa pagrarasyon ng gatas at sa panaderya. Kaya mukhang ilang linggo rin tayo makapagpahinga sa trabaho.” Ang masayang tugon ni Amarilyo sa asawa.
“Naku itago mong mabuti ang mga iyan Amarilyo, baka ang akala nating suwerte ay mauwi sa malas. Wala talaga akong tiwala sa hilatsa ng pagmumukha ng Geppito na iyan. Mukhang di gumagawa ng mabuti. Ewan ko ba bakit iba ang kutob ko sa tao na iyan.” pabulong na sabi ni Morgana sa asawa.
“Hayaan mo na, magingat na lang tayo. Iluto mo na ang mga nahuli kong isda nang makapag-hapunan na tayo kasama ang bisita ni Ali.” ayon pa kay Amarilyo.
Dahil na rin sa binayad na halaga ni Geppito, labag man sa lalamunan ng mag-asawa, sinakyan na lang nila ang hiling ng matanda. Habang abala ang mag-asawa sa kusina, lumabas naman ng bahay si Ali para puntahan sana ang matanda. Napansin nito ang naka using kamay ng manikang kahoy ni Geppito sa kanyang bagon. Nilapitan iyon ni Ali para usisain. Habang papalapit ito roon,tila May mahihinang tinig itong naririnig mula sa loob ng bagon. Mga tinig O boses na humihiyaw ng saklolo. Hindi ito sigurado sa naririnig pero ramdam ni Ali na nanggagaling iyon sa loob, Dahil sa hindi pa naman madilim nun, at papalubog palang ang araw, maliwanag pa noon ang paligid. Sinilip ni Ali ang toldang naka-tabing sa bagon, at doon nakita nito ang patong-patong na mga manikang bata na yari sa kahoy. Namangha si Ali sa perpektong pagkaukit at pagkagawa ng mga iyon. Dahil mukha talaga iyong mga bata. Ang pinagkaiba lang ay yari iyon sa kahoy na may mga kuwerdas sa kamay at paa. Akmang papasok pa sana sa bagon si Ali, upang makita ng mabuti ang mga manikang kahoy nang may dumambang kamay sa kanyang balikat, nagulat ito at napalingon. Nasa likuran nito si Geppito na nakangisi sa kanya.
“Nais mo makita ang mga ubra ko, Ali? sige lang kumuha ka ng isa sa kanila. Matitibay ang mga iyan at hindi basta-bastang nasisira.” saad pa ni Geppito.
Natuwa naman si Ali sa pahintulot ng matanda. Kumuha iyon ng isa, isang lalaking manikang kahoy, naka pang eskuwela ang suot na damit na kulay dilaw,at pulang pantalon na maiksi, may itim na sapatos na gawa sa balat ng hayop,may mahabang medyas at sumbrerong kulay dilaw na patulis. Nakatitig sa mga mata ng naturang manika si Ali, namamangha ito dahil sa maging ang mga mata ng manikang iyon ay parang buhay na mata.
“Mukhang malungkot ang isang ito ginoo, parang may namumuong luha sa kanyang mga mata. Parang natatakot ang mukha niya. “ wika ni Ali base sa mga napansin nito sa hawak na manika.
“Iyan si Pinocchio ang batang sutil, sumusuway sa mga magulang, arogante at walang pakialaman sa mga taong nagpapahalaga sa kanya. Gawa iyan sa puno ng pine, kaya pinangalanan kong Pinocchio. Isa sa mga unang ubra ko.” Tugon ni Geppito kay Ali.
“Lahat pala sila ikaw ang may gawa, ang husay ang mo naman ginoo. Ang galing. May mga pangalan pa talaga sila. Tunay ngang isang ubra ang mga ito. Para nga talaga silang mga buhay na puppet. Sabik na akong makita silang mag tanghal kasama mo.” ang magiliw na sabi pa ni Ali.
“Mamaya, magpapaunlak ako ng munting palabas para sa inyo. Alam mo kung kasing gulang mo lang ang kapatid mo, isasama kita sa mga pagtatanghal ko. Kaso masyado ka nang malaki para sa koleksyon ko.” saad pa ni Geppito.
“Anong ibig niyong sabihing isasama?” pagtataka ni Ali sa kanyang narinig.
“Naghahanap kasi ako ng apprentice, isang katuwang na maari kong sanayin at turuan ng aking mga salamangka at mahika. Pero ang kailangan ko ay iyong bata, mas madali kasing magturo sa bata kumpara sa maugat ng halaman. Pero di bale na lang mukhang may nahanap narin naman ako sa bayan kanina.” Ang paliwanag ng matanda.
Nais sana ni Ali ang ganun, kaso lampas na nga ito sa edad na gusto ni Geppito. Ibabalik na sana ni Ali ang hawak na manika ngunit biglang nabuhol sa kamay nito ang mga kuwerdas na tali sa kamay at paa ng manikang si Pinocchio. Hindi alam ni Ali kung bakit pumulupot sa kamay at braso niya ang tali ng puppet.Pilit niya itong tinatanggal ngunit lalong humihigpit ang pagkakabuhol.
Nakita ni Amarilyo na tinatanggal ni Ali ang manikang kahoy sa kamay nang lumabas ito. Kaya lumapit na ito sa anak para tulungan si Ali, dahil pinagmamasdan lang ito ni Geppito. Maging si Amarilyo hirap tanggalin ang pagkabuhol ng mga tali. Sa pag aalalang masusugatan ang anak, kinuha nito ang gamit niyang pang ukit sa kanyang bulsa para putulin na lang ang tali. Ngunit pinigilan ito ni Geppito.
Puppet Master
Chapter 3 -Puppet Master-
Nang makita ni Geppito ang gagawin ni Amarilyo sa mga nabuhol na tali ng manikang kahoy sa braso at kamay ni Ali, pinigilan nito ang lalake. At sa isang haplos lang ng matandang Geppito, kusa na lang lumuwang at kumalas sa mga braso ni Ali ang mga kuwerdas na tali.
“Mukhang gusto lang talaga ng manika ko na makipaglaro sa iyo Ali. Pero kailangan niya nang magpahinga.” Sabi pa ni Geppito,nang kunin nito ang manika sa mga kamay ni Ali, tsaka ibinalik ito sa likuran ng bagon.
“Ali puntahan mo muna ang kapatid mo sa loob at may pag-uusap lang kami ng matandang ito.” Utos ni Amarilyo sa anak.
Sumunod naman si Ali sa ama, ngunit naiwan ang isip nito sa mga manikang naka-salansan sa likod ng bagon. Lalo na ang manikang si Pinocchio. Hindi nito maiwasang mapaisip nang kakaiba. Dahil noong kumapit kay Ali ang kuwerdas ng manikang si Pinocchio,may naramdaman itong init na dumaloy sa braso niya. At tila ba naramdaman pa nitong huminga ang naturang manika.
Hindi naman nakatakas sa paningin ni Amarilyo ang ginawa ng matanda sa kanyang manika kaya binalaan niya ito.
“Hahayaan kita rito na magpalipas ng gabi, pero huwag mo nang ipakita sa mga anak ko ang ginawa mo. At kung ano mang salamangka na binabalak mo. Kalimutan mo na rin ang pangako mo na libreng pagtatanghal, sapat na ang binayad mo para sa isang gabi. Hindi mo na kailangang magpagod.” Saad ni Amarilyo.
“Kasiyahan at kaligayahan ng mga bata ang makakita ng mga nakaka-aliw na palabas tulad ng salamangka at drama ng mga puppet, Ginoong.” Ayon kay Geppito.
“Ayukong lumaki ang mga anak ko na naniniwala sa mga huwad at walang saysay na mga kasinungalingan. Sa iba mo na lang ipamalas ang kalasingan mo, at hindi dito sa pamilya ko. Naway nagkakaintindihan tayo.” At iniwan na nito ang matanda sa tabi ng bagon nito.
Nakangising tumango naman si Geppito. Oras na ng hapunan at sumabat ito sa pamilya ni Amarilyo na kumain. Nasa hapag kainan sila nang nabanggit ni Ali kay Geppito ang tungkol sa napansin nito sa isa sa mga manika nitong kahoy. Agad namang sinaway ni Morgana ang anak.
“Kumain ka Ali, hindi kung ano-anong walang kuwentang bagay ang tinatanong mo.“ani pa ng Ina.
“Eh talaga namang naramdaman ko na humihinga ang manika Ina. Nagtataka nga ako eh.” sabi pa ni Ali.
“Ali, isa pa at patitigilin na kita sa pagkain.” Saway pa ni Amarilyo.
Tumahimik na noon si Ali nang may ginawa si Geppito na kinainis ni Amarilyo. Pinagalaw nito ang sandok na nasa loob ng lagayan ng sabaw. Pinalipad niya ito na may laman at pinalapit sa kanya tsaka inutusang ibuhos ang laman nun sa kanyang pinggan. Sa ginawa ni Geppito nagalit ito at inutusan ang matanda na lumabas sa kanyang bahay. Ngunit sa halip na masindak, humalakhak ang matanda nang malakas na para bang iniinis at inaasar si Amarilyo. Tumayo si Amarilyo para hugutin sana ang matanda sa upuan nito nang bigla na lang nakaramdam ng paninikim ng mga kamay at braso si Amarilyo, hindi na nito magawang mai-angat ang buong braso.
“Ano ang ginawa mo sa akin?!” Galit na tanong ni Amarilyo sa matanda.
“Wala pa akong ginagawa, pero kung pipilitin mo ako baka mag-sisi ka. Masarap ang hapunang hinanda niyo,ngunit walang lasa ang mga ugali niyong mag-asawa. At salamat na lang sa inalok niyong pahingaan. Napag-isip-isip ko na walang katahimikan sa tahanang ito. Akoy lilisan na” Tumayo ang matanda at tuloy-tuloy itong lumabas ng bahay nina Amarilyo.
Sa pagsara nito ng pinto, doon pa lang naigalaw ni Amarilyo ang mga braso ngunit tila nanghina ito. Inutusan nito si Morgana na kunin ang pinangbayad na pilak sa kanila ng matanda para ibalik ito kay Geppito. Agad namang kumilos ang asawa nito para kunin ang mga baryang pilak. Sinundan nito sa labas ang matanda ngunit, laking pagtataka nito na wala na roon ang bagon ng matanda. Ni hindi man lang nila narinig ang pag-alis nito sa kanilang bakuran. Sinabi niya ito kay Amarilyo at napagtanto nga ng mag asawa na hindi iyong pangkaraniwang salamangkero lang. Na may taglay itong iba pang kaalaman.
Binalaan ni Amarilyo ang mga anak lalo na si Ali na iwasan ang matandang iyon. Hindi mapanatag ang mag asawa dahil sa nangyari ng gabing iyon. Iba kasi talaga ang hinala nila sa matanda, lalo na si Morgana na unang kita palang nito kay Geppito ay may nababanaag nang di maganda sa ora nito.
Buong gabing nagbantay si Amarilyo sa paligid. Tahimik naman ang gabi ngunit nababalisa ito. Nangangamba ito sa kaligtasan ng mga anak. Sa silid ng mga bata natulog si Morgana upang bantayan ang mga ito. Nasa may pintuan naman ng bahay nila malapit, pumuwesto si Amarilyo katabi ang isang bolo, at pana. Nakaidlip nang saglit si Amarilyo nang makarinig ito ng sigaw mula sa bunsong anak na si Farah. Nakatakbo naman agad si Amarilyo para tingnan ang anak.
“Amarilyo si Farah!” bulalas ni Morgana na nagising din sa sigaw ng anak. Sinusubukan nitong hilahin at kalasin ang tila mga taling lumilingkis sa katawan ni Farah.
Hinanap ni Amarilyo ang pinagmulan ng mga tali, ngunit hindi niya ito makita. Isa lang ang sumagi sa isipan niya may kagagawan ng bagay na iyon. Walang iba kung hindi ang matandang si Geppito. Natataranta na ang mag-asawa dahil nakikita nilang nahihirapan na ang anak na babae. Sinubukan namang gamitin ni Ali ang gunting upang putulin ang mga hibla ng kuwerdas na bumabalot sa kapatid. Naputol nito ang ilan sa mga ito. Ngunit bumabalik lang ito muli sa dati.
May kinuha si Amarilyo sa silid nilang mag-asawa. Hinanap niya iyon sa isang aparador. Nang makita ang isang itim na kahon, binuksan ito ni Amarilyo at kinuha ang laman nun tsaka bumalik sa silid ng mga anak. Napansin ni Morgana ang hawak ni Amarilyo.
“Matutunton niya tayo kapag ginamit mo iyan.” wika ni Morgana.
“Bahala na, buhay na ng anak natin ang nakasalalay dito. Makukuha niya si Farah kapag wala tayong gagawin.” Saad pa ni Amarilyo.
Itinapat ni Amarilyo ang hawak na hiyas sa katawan ni Farah. Lumiwanag ng subrang liwanag ang bagay na iyon na halos lumukob sa buong bahay nila. Maliwanag ngunit hindi naman nakakasilaw. Nang ginawa iyon ni Amarilyo, nalusaw na lang bigla ang mga nakagapos sa anak. Naglaho itong parang bula. Kasabay ng paglago ang pagkawala na rin ng liwanag mula sa hiyas.
Kinamangha ni Ali ang nasaksihan. Hindi niya alam na may ganun ang kanyang ama. Kaya napatanong agad ito.
“May kapangyarihan po kayo ama?”
Tapos na ang pagtatago, nailantad na ni Amarilyo ang sekreto sa kanila. Ipinaliwanag ng ama sa anak na si Ali kung bakit iyon ang nasaksihan niya. At ikinagulat ni Ali ang kanyang natuklasan. Ayon sa ama kilalang mga tanyag na mangangaso ang pinagmulan na angkan ng kanyang ama. Hindi lang basta mangangaso, kung hindi mga bayarang mangangayam. Si Balmon ang ama ni Amarilyo ang lolo ni Ali ang huli sa mga kilalang mangangayam sa ninuno nila. Ayon pa kay Amarilyo, lumaki ito na hindi man lang nakikilala ang ama. Ang ina nitong si Hasinta na lola ni Ali ang tanging kinamulatan nito hanggang sa nagkapamilya. Ayon pa sa kuwento ni Amarilyo doon lang nito nalaman ang nakaraan ng amang si Balmon. Kaya pinangarap niyang maging katulad ng kanyang ama, upang kumita ng malaki at magagampanan ang pagiging asawa nito kay Morgana.
-*-
Naging mangangayam si Amarilyo tulad ng kanyang ama. Dahil sa di maipaliwanag na pananalanta ng mga halimaw noon, isa si Amarilyo sa mga natatanging bayarang Mangangayam ng lupain ng Kanlandog, ang lupaing kalapit lang ng lupang sinilangan ng kanyang ama na Buklod. Naging pangil laban sa mga mababangis na halimaw sina Amarilyo kasama ang apat pa. Ngunit sa huling laban nila at pagtugis sa halimaw na ibong apoy nasawi ang apat sa mga kasamahan nito na ikinalugmok ni Amarilyo dahil isa sa mga iyon ang matalik niyang kaibigan.
Sa galit at silakbo ng damdamin ni Amarilyo na makaganti sa naturang halimaw, hinanap niya ito. Sinuyod ang mga bundok at kakahoyan kung saan pinaniniwalaang pugad ng halimaw. Ngunit sa ilang araw at gabing pagsuyod ni Amarilyo walang bakas ng halimaw itong nasumpungan. Hanggang sa napadpad si Amarilyo sa isang sunog na bahagi ng gubat. Dagdag pa ni Amarilyo isang lalaking naka-balabal na pula ang nakita niyang nakatayo roon na tila hinihintay ang kanyang pag dalo.
“Kung nais mo mapaslang ang halimaw na ibong apoy, kailangan mo akong talunin.” saad ng lalake noon kay Amarilyo.
Pinagbigyan ni Amarilyo ang hamon sa kanya ng misteryosong lalaking naka-balabal. Nagpakitaan ang dalawa ng galing sa pakikipaglaban. Halos pantay ang naging banggaan ng dalawa. Ngunit sa huling bagsakan natalo si Amarilyo. Kung hindi lang nakuntrol ng lalake ang kanyang lakas humiwalay na ang ulo ni Amarilyo sa kanyang katawan.
“Mahina, wala sa iyo ang katangiang makakatalo sa hinahanap mong halimaw “ Ang huling naaalalang salita ni Amarilyo mula sa lalake bago siya nito tinalikuran at iniwan.
Sugatan at pagod si Amarilyo noon ng maiwang nakahandusay sa lupa. Ngunit hindi iyon naging balakid para ituloy ang ang kanyang balak na hanapin ang halimaw. Lalo na nang marinig nito ang nakabibinging atungal ng ibon na umaalingawngaw mula sa malayo. Nagpatuloy si Amarilyo, nakarating ito sa isang di kilalang bundok kung saan natagpuan nito ang isang lumang tore na tirahan ng isang bruha, nagpakilala itong si Brihilda kay Amarilyo. Tinulungan nito si Amarilyo upang magamot ang mga sugat nito sa katawan.
“Kung nais mong matalo ang halimaw. Kailangan mo makuha ang isang hiyas na tanging kinatatakutan at makakatalo sa mga ito. Ngunit babala sa pagkuha nito, kinakailangan ng kapalit. Buhay ang ililigtas nito kaya buhay din ang hihingin nitong kabayaran.” Ayon pa kay Brihilda.
Agad na tinanong ni Amarilyo kung saan matatagpuan ang hiyas na tinuro naman sa kanya ng bruha. Ngunit hindi nilinaw nito kay Amarilyo ang mga kondisyon at kapalit ng pagmamay-ari ng hiyas. Desidido na si Amarilyo na tapusin na ang kanyang misyon kaya tinungo nito ang isang lihim na sa bulwagan sa loob ng isang abandonadong kastilyo sa tuktok ng bundok na iyon.
Hindi na nahirapan si Amarilyo na natunton ang lugar at natagpuan niya ito kaagad. At naroon nga sa isang saradong kristal na lalagyan ang tinutukoy na hiyas ng bruhang si Brihilda. Akma nang kukunin ni Amarilyo ang hiyas nang muling lumitaw ang lalakeng naka-balabal na pula upang pigilan ito. Naglabang muli ang dalawa sa hiyas, ngunit sa puntong iyon nakapuntos si Amarilyo. Natalo nito at nasugatan ang lalake. Nakuha nito ang hiyas at itinakas ito. Ngunit nang papalabas na ito ng kastilyo, biglang sumabog ang liwanag mula sa hiyas. Nagkalat ang liwanag nito sa paligid. Naglaho din ito kalaunan. Hinabol pa ng lalake si Amarilyo upang balaan tungkol sa hiyas ngunit hindi nakinig si Amarilyo. Tumakas itong tangan ang hiyas.
Binalikan ni Amarilyo ang tore ng Bruha ngunit wala na ito roon. Hindi niya na nakita ang tore. Sa halip isang magandang bahay na yari sa bato ang naroon at sa halip na huklobang bruha, magandang babae ang natagpuan nito na namimitas ng mga bulaklak sa hardin. Magtatanong lang sana si Amarilyo sa babae nang nauna itong magsalita. Nginitian nito si Amarilyo at may sinabi ito rito.
“Ingatan mong hindi niya makuha sa iyo ang hiyas na iyan. Dahil babawiin niya iyan sa iyo kasama ang mga mahal mo sa buhay, lalo na ang dinadala ngayon ng asawa mo. Humayo ka at hangga’t nasa pagmamay-ari mo ang hiyas ligtas ang pamilya mo sa mga halimaw.”
Matapos sabihin iyon kay Amarilyo, bigla na lang naglaho sa harapan niya ang babae. Nilisan ni Amarilyo ang gubat na tangan ang hiyas na iyon. Lumipas ang mga araw at mga gabi na wala na ngang halimaw ang nababalitaang gumagala o umaatake sa buong lupain ng Kanlandog at Buklod. Maging sa mga lupain at kaharian sa malalayong ibayo, wala nang kuwento tungkol sa mga halimaw ang gumagambala sa mga isipan at pamumuhay ng mga tao.
Inakala ni Amarilyo na ang pagnakaw nito sa hiyas sa kinalalagyan nito ang nagpahinto sa mga pananalakay ng mga halimaw, kaya itinago niya itong mabuti upang hindi na makuha pa ng lalaking naka-balabal na pula para gamitin muli sa pagkontrol ng mga halimaw.
At upang mailayo ang hiyas, nagpalipat-lipat sina Amarilyo ng lugar, Hanggang sa nakabalik sila sa lupain na naging tahanan ng kanyang amang si Balmon at inang si Hasinta. At doon na namuhay hanggang sa naisilang sina Ali at Farah.
Ang ipinagtataka ni Ali, dahil ayon sa kuwento ng kanyang ama masamang nilalang ang lalakeng naka-balabal na pula, taliwas sa kanyang nasaksihan ng makailang ulit na. May mga agam-agam man at mga katanungan si Ali sa kanyang isipan, namangha ito sa nakaraan ng ama. Nasambit pa nito na nais niyang maging katulad na Mangangayam gaya ng kanyang ama at lolo. Bagay na tinutulan ni Morgana at Amarilyo.
“Malaki ka na Ali, sinabi ko ang lahat ng ito upang maprotektahan mo ang kapatid mo sa ano mang panganib, mapa-halimaw man iyan o mga nanamantala. Hindi para sundan ang yapak ko o ng lolo mo.“paliwanag pa ng ama kay Ali.
“Nakita mo na ang nangyari sa kapatid mo. Dahil sa pagtulong mo muntik nang mawala sa atin si Farah. Tandaan mo ito Ali, hindi lahat nang sa tingin mo mabuti at nangangailangan ng tulong ay kailangan ng pagkatiwalaan at tulungan.” dagdag pa ng ina.
“Patawad ama, ina. hindi na po mauulit. Tatandaan ko po ang mga bilin niyo. Pero ama, hindi naman mukhang halimaw ang matanda ah, bakit tumalab ang hiyas?” wika ni Ali.
“Salamangka o kakaibang mahika ang ginamit niya sa kapatid mo. Kaya ang hiyas na ito ang naisip ko. Nagbabakasakali lang ako, nagulat din ako at gumana. “ ayon pa kay Amarilyo na nagtataka rin.
Sa nangyari, nabalot narin ng takot si Farah. Hindi na ito humihiwalay sa kanyang ama. Buong gabi na iyon nag bantay ang lahat sa muling pagpaparamdam ng matanda, ngunit lumipas na ang mga oras at inabot na ng uma na wala nangyari.
-*-
Kinabukasan, maagang pumunta ng bayan’ si Morgana para mamili ng mga kakailanganing sangkap. Nasa bungad na ito ng palengke nang mapadaan ito sa mga tumpok ng mga tao sa isang bahagi ng daan. Lumapit si Morgana para alamin ang pinagkakaguluhan ng mga tao roon. At sa gitna nga ng kumpulan ng mga tao ay naroon ang isang grupo ng mga lalake na nasa pito ang bilang, may mga hawak itong papel na pinamimigay sa lahat. Naki-amot ng dampot si Morgana. At nagulat ito nang makita ang nasa papel na hawak niya.
Napatanong agad ito sa mga lalaking namimigay ng papel.
“Mga ginoo, sino ba ang nakaguhit na mukha sa papel na ito?” tanong ni Morgana.
“Isang Salamangkero na dayo sa aming bayan, wala kaming alam sa kanyang pinagmulan. Bigla na lang siya lumitaw isang araw sa aming bayan para magtanghal sa kanyang palabas. Ngunit nang siya’y lumisan , misteryosong naglaho na parang mga bula ang aming mga anak. May nakapagsabi na siya ang huling kasama ng mga anak namin. At hindi lang ito nangyari sa bayan namin. Maging sa mga karatig bayan kung saan namataan din ang matandang ito. At sa paghahanap namin may nakapagturo na dito sa bayan na ito huling nakita ang Salamangkerong si Geppito.” kuwento ng isang lalake kay Morgana.
Kinabahan si Morgana sa kanyang narinig. Kinutuban ito ng hindi maganda. Hindi na naituloy pa ni Morgana ang balak nito sa bayan. Pumara ito ng kalesa pabalik sa gulod.
At dahil narin sa mga naturang mga larawan ng matanda at sa kumakalat na balita, Ang mga magulang ng bayan’ na iyon ay agad na tinipon ang kanilang mga anak. Ngunit huli na para sa iba. Maraming ina na rin ang naghahanapan sa kanilang mga anak na bigla na lang nawala. Naririnig pa ni Morgana mula sa sinasakyan nitong kalesa ang mga iyak at sigaw ng mga magulang na nawalan ng mga anak.
Hilakbot ang naramdaman ni Morgana nang balikan ang nangyari sa anak nitong si Farah noong gabi.
Umalis ng bahay nila si Morgana ng araw na iyon na tulog pa ang mga anak at asawa. Naging kampante naman itong iwan ang mga anak sa kanilang silid dahil umaga na at sa pag aakalang hindi na sila gagamba-lain pa ng matandang si Geppito.
Sa bungad pa lang ng kanilang bakuran nakasalubong na nito ang asawang si Amarilyo na hawak ang kanyang mahabang baril, sukbit sa beywang ang matalim na bolo at ang pana sa kanyang likod. Namumula ito sa galit at galos hindi na maipinta ang mukha. Tinanong agad ito ng nag-aalalang si Morgana.
“Nawawala si Farah , Morgana at malakas ang kutob ko na ang matandang iyon ang may kagagawan. Hahanapin ko saan mang sulok ng impiyerno ang mang-iilad na huklobang iyon!” Tugon ni Amarilyo.
“Pinaghahanap na rin siya ng mga tao sa bayan, ilang mga magulang din mula sa kabilang bayan ang tumungo sa sentro para hanapin si Geppito dahil nawawala rin ang kanilang mga anak.” balita pa ni Morgana.
“Oras na may gagawin siyang di maganda sa anak ko, maging ang buto niya ay dudurugin ko ng pino.” pang-gagalaiti pa ni Amarilyo.
“Sasama ako sa iyo, magtatawag ako ng mga tulong.” wika ni Morgana, sabay hatak ng kalaykay sa gilid ng kanilang bakod upang gawing armas.
Agad na kumilos ang mag-asawa. Sumugod para hanapin ang matandang si Geppito. Narinig ni Ali ang mga magulang at sinisisi nito ang sarili sa nangyari sa kanyang kapatid. Nang dahil sa kanya napahamak ito. Nais niyang tumulong sa paghahanap, at naalala nito ang sinabi ng matanda sa kanya na, sa susunod na bayan ang kanyang destinasyon. Naghanap ito ng magagamit na sandata sa kusina. Ngunit maliit ang mga kutsilyo para gamitin. Lumabas ito ng bahay at sa tambakan ng mga kahoy panggatong nakita nito ang naka-tayong palakol. Iyon ang dinampot ni Ali, papaalis na ito nang maalala niya ang hiyas na gamit ng ama.
Bumalik ito sa loob ng kanilang bahay at hinanap iyon sa silid ng mga magulang at madali niya nga iyon nakita. kinuha ito ni Ali at isinilid sa dala nitong bag. Tsaka nilisan ang kanilang bahay. Walang kasiguruhan kung saan ito tutungo at kung saan hahanapin ang matanda.
Samantala, dahil sa nagkalat na balita at mga batang nawawala sa lugar ,nagkaisa ang mga taong-bayan na tugisin at hanapin ang matandang si Geppito. Bitbit ang kanya-kanyang mga armas, hinalughog nila ang mga gubat sa labas ng bayan’ kasama sina Amarilyo at Morgana.
Si Ali naman tinungo ang kanlurang bahagi ng gulod. At mula sa puwesto niya hinanap ng paningin nito, madaling daan na posibleng dinaanan ni Geppito para makatawid sa kabilang bayan. At hindi nga ito nabigo, dahil napansin agad nito ang bagon ng matanda na binabagtas ang matarik na banglid na papatawid sa kabilang bundok ng kabilang bayan. May kalayuan na ang bagon mula sa kinaroroonan nito at kahit tumakbo pa ito ng matulin hindi niya parin maaabutan ang matanda.
Naghanap ng masakyan si Ali, at sa isang damuhan naroon ang isang kabayo ng kanilang kapitbahay. Sinakyan iyon ni Ali. Unang beses pa lang sumubok na sumakay ng kabayo si Ali ngunit tila alam na nito kung paano patakbuhin ang hayop at pasunurin ito sa kanya. Mabilis ang takbo ng kabayo na parang lumilipad na ito sa subrang bilis. Namalayan na lang ni Ali na tanaw na nito ang banglid kung saan kita na rin nito ang likod ng bagon ni Geppito.
Makipot ang daan, at kung magkamali nang pagkontrol si Ali sa kabayo, sa malalim na bangin agad ang destinasyon nila. Tuloy parin ang matanda na mas pinabilis pa ang takbo ng kanyang bagon.
Sa di inaasahan , bahagyang natanggal ang tabing na kurtina sa likurang bahagi ng bagon at nalantad sa mga mata ni Ali ang mas marami pang mga manikang kahoy sa loob. Higit na marami iyon sa nakita niya noong una. At ang ikinagulat pa ni Ali ay nang mapansin nito ang isang nakasilip na manika na kamukhang -kamukha ng kanyang kapatid na si Farah.
Binilisan pa lalo ni Ali ang pagpapatakbo ng kanyang kabayo para maabutan nito ang bagon. At kunti pa maaabutan na nito ni Ali nang bigla na lang naglaho ang bagon sa harapan ni Ali. At nang hagilapin niya ito ng tingin nasa kabilang bahagi na ito, na patuloy parin sa pagtakbo. Mas binilisan ni Ali ang pag-papatakbo ng kabayo, hanggang sa nakatawid na rin ito sa kabila.
Habang papatakas si Geppito. Bigla na lang ito napahinto nang sa harapan niya ay may humarang sa kanya. Sa isa pang pagkakataon muling lumitaw ang lalaking naka-balabal na pula. Nakatayo ito sa daraanan ni Geppito.
Napahinto ang bagon ni Geppito nang maglabas ng malaking palakol ang lalake. Napahinto rin si Ali nang mapansin ang pagtigil ng bagon. At ikinagulat nito nang makita roon ang lalakeng naka-balabal na pula.
“Magnanakaw, pakawalan mo sila!” utos ng lalake na naka-balabal na pula kay Geppito.
“Hindi ko pinaghihirapang ipunin ang mga pagkain ko para itapon lang ng ganun.” ang nakangising tugon ni Geppito.
“Kung ganun pasensyahan tayo. “ Ang binitawang salita ng lalake sabay sugod sa matanda.
Ngunit bago pa maabutan ng pag atake ng lalake si Geppito, nakailag na ang matanda. Tumalon ito sa ere para iwasan ang pag tama ng atake ng lalaking naka-balabal. At sa isang iglap pa biglang nagbago ang anyo ng matandang Geppito. Naging tila kahoy ang buong balat nito. Nagsihabaan ang mga kamay , braso at mga binti nito, tsaka nagkapira-piraso. Naging nakakatakot na manikang kahoy ang matandang Geppito. Nakalutang ito sa ere na tila isang malaking puppet na may mga tali sa kamay at paa.
Nakakabingi ang halakhak nito.
Ikinagulat iyon ni Ali, hindi niya inakala na isa palang halimaw ang matandang si Geppito. At habang abala ang dalawa, naisip naman ni Ali na lapitan ang bagon. Sinamantala nito ang pagkakataon na nalilibang ang halimaw na Geppito sa pakikipaglaban sa lalaking naka-balabal.
Pagkabaklas pa lang ng tabing sa likuran ng bagon agad na kumapit kay Ali ang mga tali ng isang manikang kahawig ng kanyang kapatid na si Farah. Tulad noong kumapit sa kanya ang kwerdas ng manikang si Pinocchio, ganun din ang naramdaman nito nang madikit sa kanya ang kuwerdas ng manikang kamukha ni Farah. Dahil dito napayakap si Ali sa manikang iyon.
“Farah, kapatid ko, anong ginawa niya sa iyo?” ang naluha na lang salita ni Ali.
Sa galit ni Ali, hindi nito napigilan ang sarili at hinarap ang halimaw na si Geppito.
“Ibalik mo sa dati ang kapatid matandang halimaw!!!” sigaw ni Ali,
Napabaling sa kanyang direksyon ang puppet nang halimaw, na si Geppito. Nagalit ito ng makita ang isang manika na hawak na ni Ali. Nagpakawala ito ng mga tila sibat na sinulid papunta kay Ali. Nang bigla na lang lumiwanag ang katawan ni Ali. Nagmistula itong apoy, hanggang sa nagliyab ito ng tuluyan. Naging ibong nag aapoy si Ali. Ikinagulat iyon ng matatanda si Geppito, lalong lalo na ang lalakeng naka-balabal na pula.
Sinugod ng ibong nag aapoy ang halimaw na Geppito at sa isang atake lang naging abo ang katawan ng matandang halimaw. Matapos ito, lumipad na rin ang ibon palayo sa lugar na iyon.
Dahil sa pagkapaslang ng matanda,muling naibalik sa dati nilang anyo ang mga manikang kahoy. Naging mga tunay na mga bata muli ito. Ngunit hindi lahat sa mga iyon ay bumalik sa pagiging bata. Ang iba, nanatiling ganun hanggang sa tuluyan nang naging abo.Katulad na lang sa manikang si Pinocchio.
Nilapitan naman ng lalaking naka-balabal na pula ang walang malay na si Farah. Lapnos ang magkabilang braso nito dahil sa nasumpg ito habang hawak siya ni Ali bago naging ibon na umaapoy ang kapatid. Nang marinig ng lalake ang paparating na mga tao, agad nitong hinawakan ang mga braso ng bata. Naglabas ito ng nerhiya sa kanyang mga palad at tinapat iyon sa mga sunog na braso ni Farah. Mabilis na humilum ang mga lapnos sa katawan at braso ni Farah ngunit naiwan iyon ng malaking pilat at marka.
Matapos magawa ang nararapat nilisan na ng lalake ang lugar. Habang naiwan ang mga bata roon na walang mga malay. Nang dumating ang taong bayan kasama sina Amarilyo at Morgana wala na ang lalake. Laking tuwa naman ng mga magulang na nabawi nila ng buhay ang kanilang mga anak. Ngunit nang-lomo naman ang mag-asawa sa sinapit ng kanilang anak na si Farah nang makita ang pinsalang natamo nito.
Nang makabalik silang mag-asawa sa kanilang bahay, agad nilang hinanap si Ali. Ngunit walang Ali silang inabutan. Inakala ng mag-asawa na nasa panaderya lang ito sa bayan, kaya hindi na gaanong nag alala ang dalawa. Nang mailapag na ni Amarilyo ang anak na si Farah, biglang umungol ang anak.
Nang naimulat na ni Farah ang mga mata agad nitong nitong hananap ang kuyang si Ali. Inusisa naman ng magulang si Farah bakit hinanap nito ang Kuya.
“Si Kuya ang nagligtas sa amin ama, ina. Nag apoy ang katawan ni Kuya, at sinunog niya ang halimaw na si Geppito. Halimaw ang matanda ama, Ina. Ginawa niya kaming mga manikang kahoy. Lahat ng mga bata, ginawa niyang mga manika tapos iyong iba, kinakain niya ang mga kaluluwa. Buti na lang dumating si Kuya. Nailigtas kami ni Kuya Ali.”
Hindi maipaliwanag ng mag asawa kung ano ang itutugon sa kuwento na iyon ng anak. Hindi rin nila naintindihan ang tungkol sa sinabi pa ni Farah na nag-apoy ang anak nila na si Ali. Agad na pumasok ng silid nila si Amarilyo,at laking gulat nito nang wala na sa lalagyan nito ang hiyas.
Binalikan ni Amarilyo ang lugar kung saan nila natagpuan sina Farah. Hinanap niya room ang anak na si Ali. At sa pag-suri sa paligid may napansin itong bakas ng sapatos sa lupa. Malalaki ang mga marka na iyon kaya imposibleng kay Ali iyon. Hindi rin ito sa matanda, dahil ayon sa anak na si Farah nakalutang daw ito sa ere. Hinanap pa ni Amarilyo ang katulad na mga bakas at papalayo ito sa lugar papasok ng gubat. Sinundan iyon ni Amarilyo.
Inabutan na ng hapon si Amarilyo, Papadilim na ang paligid ngunit walang bakas ni Ali itong nakita. Ginabi na ito sa kakahanap ngunit hindi parin nito natagpuan ang anak. Sinundan na ni Morgana ang Asawa sa gubat dahil masyado ng malalim ang gabi.
Kinabukasan, binalikan ni Amarilyo ang gubat. Buong araw muli nitong ginalugad ang lugar para lang kay Ali ngunit bigo ito. Ilang mga araw at gabi ang lumipas hindi na nakita si Ali. Ikinalugmok iyon ni Amarilyo, sinisi ang sarili sa mga nangyari. Sa pagkawala ni Ali nagbago ang lahat
The Frogs in his Swamp
Chapter 4
- The Frogs in his Swamp -
Lumipas ang apat na taon, Nagpatuloy ang buhay ng mag asawa Amarilyo at Morgana kasama ang anak na si Farah. Pinilit nilang makausad bagamat naroon pa rin ang pangungulila sa anak na si Ali. Mabigat man sa loob, sinubukan nilang tanggapin na wala na ang anak nilang panganay, at itinuon ang buong atensiyon at pag-alaga sa kanilang bunso na si Farah.
“Saan ang punta mo Amarilyo?, Bakit karga mo ang mga palaso mo at pana?” usisa ni Morgana sa asawa nang makitang nagsusuot ito ng pang-gayak sa pangangalam.
“Tinalikuran ko na dati ang trabahong ito, ngunit sa nangyari sa mga anak natin. At sa mga naglipanang mga halimaw, oras na para maningil Morgana. At sayang din ang supot ng ginto sa bawat ulo ng halimaw na mapapaslang namin” saad pa ni Amarilyo.
“Alam mo ang panganib sa gawaing iyan, hindi na kasing tulad noon ang lakas mo ngayon. Ipaubaya mo na sa mga baguhang mangangayam ang pagtugis sa mga halimaw.” paalala ni Morgana sa asawa.
“Hindi ko hahayaang mabulok na lang sa limot ang nangyari kay Ali na hindi man lang naka-kaganti. Uubusin ko ang uri nila ng wala ng magulang ang mangulila sa anak”
Sa paglipana muli ng mga halimaw, nilokuban na naman ng takot at pangamba ang mga tao. At tanging ang mga magigiting na mangangayam ang kanilang pag-asa at masusumpungan sa gitna ng pagkabalisa at pag-alala. Limang bayarang mangangayam ang umako ng responsibilidad para panatilihing payapa ang bawat lugar na kanilang pupuntahan at siguraduhing panatag ang loob ng mga mamamayang umaasa sa kanila. Kabilang sa mga ito si Amarilyo.
Naging matagumpay ang ilan sa mga na unang misyon nina Amarilyo. Sa mga na unang linggo naka tatlo agad sila.
“imbitasyon mula sa alkalde ng Hinayawan, humihingi ng tulong mula sa atin. Hindi na mabilang ang mga nawawalang babae sa kanilang lugar. May nakakita na isang lintang halimaw ang may kagagawan nito.” wika ni Bugror sa apat habang binabasa ang isang sulat.
“Kelan ang lakad natin?, mula dito kung bukas tayo lalakad aabutin tayo pa ng tatlong araw.” sabat na tanong ni Gurro.
“Pagkatapos nitong hapunan natin, tutulak agad tayo. Mahalaga ang bawat oras.” tugon ni Amarilyo.
“Sang-ayon ako kay Amarilyo, mas maraming halimaw mas marami tayong ginto na makukuleta. Kaya bilisan na natin ang pag kain ng makalakad agad tayo.” ayon pa kay Kazmir.
“Magdalawang grupo tayo, kami ni Amarilyo ang dadaan sa gubat ,kayong tatlo sa tulay. Sisiguraduhin nating walang takas ang halimaw na iyon. “ mungkahi pa ni Lukas.
Nagkaisa ang lima sa kanilang plano. Bukang liwayway na nang marating nila ang bukana ng bayan’ ng Hinayawan, agad nila napansin ang nakakabinging katahimikan ng lugar.
May mga tao naman ngunit kapansin-pansin na wala halos mga kabataang gumagala sa mga kalye at daan. Pagkapasok palang nila sa sahig ng bayan’ ramdam na ng tatlo ang kilabot sa paligid. Nakatingin sa kanila ang lahat ng mga taong madaanan nila sa kalye. At nang marating nila ang paseo ng lugar. Apat na sundalo sakay ng kanilang mga kabayo ang lumapit sa tatlo.
“Ikinagagalak ng aming alkalde ang pag-unlak niyo sa kanyang imbitasyon. Sumunod kayo sa amin at hinihintay na kayo ng alkalde sa Munisipyo.” wika ng isang sundalo.
Sumunod ang tatlo sa mga sundalo patungong munisipyo. Samantala nasa gubat narin ng naturang bayan sina Amarilyo at Lukas. Mula sa kinatatayuan nilang burol tanaw na ng dalawa ang buong siyudad.
“Kung tatakas man ang tinutukoy nilang halimaw, sa bandang ito ang tanging takbuhan niya. Masukal at maraming mapagtataguan dito. At ito rin ang tanging daan palabas ng bayan’.” pansin ni Amarilyo.
“Kaya nga ito ang naisip ko para madali nating masukol ang halimaw na iyon. At ikaw ang napili kong isama dahil alam ko ang kakayahan mo, hindi maipagkakailang anak ka ng dating tanyag na mangangayam na si Balmon. Kuhang kuha mo ang mga kilos niya ayon sa mga naririnig kong kuwento.” saad ni Lukas.
“Ngunit sa kabila ng ginawa niya, naging malupit parin ang mga tao sa kanya. Wala silang utang na loob. Matapos ibuwis ng aking ama ang kanyang buhay para sa kanila, nakuha pa nilang pagbintangan ang ama ko sa kasalanang hindi naman niya ginawa.” tugon ni Amarilyo na bigla na lang naging emosyonal ng mabanggit ang kanyang ama.
“Kaya nga iwasan nating, kumapit sa awa at responsibilidad. Nandito tayo para sa salaping binabayad nila sa atin at hindi para maging tagapagtanggol nila. Hindi tayo bayani. Lumalaban tayo para sa ginto at pilak hindi para sa karangalan. Dahil walang silbi ang mga paghihirap natin sa makitid na pag-iisip ng mga mangmang na mga tao na iyan. Mahalaga lang tayo sa ngayon dahil kailangan nila ang tulad natin. Kasing halaga ng mga halimaw na tinutugis natin. Mas maraming halimaw, mas maraming ginto at salapi tayong makukuha.” dagdag pa ni Lukas na gumawad ng ngiti kay Amarilyo.
Tumahimik lang si Amarilyo, dahil iba ang puno’t rason ng kanyang pakikibaka. Higit pa sa pera o ano mang kabayaran. Paghihiganti at galit ang bumubuhay sa lakas nitong ubusin ang mga halimaw sa kanilang daan. Naghanap ang dalawa ng lugar na maari nilang palagian sa buong araw at gabing pagmamatyag.
Nakarating naman sa munisipyo ang tatlo na agad namang sinalubong ng alkaldeng mayor na si Gustavo. Binati nito ang tatlo at hinatid sa silid kainan kung saan naka handa ang pagkain para sa lahat.
“Sa pagkakaalam ko lima ang magigiting na mangangayam. Bakit tatlo lang ang nasa harapan ko? Nasaan na ang dalawa,” usisa ng alkalde sa tatlo.
“Mahuhuli sila sa pagdating dahil may tinatapos pa silang gawain. Ngunit makakaasa kayo na susunod ang mga iyon at makikilala niyo rin sila.” tugon ni Bugror.
“Ganun ba, kung gayon magpakabusog muna kayo, habang hinihintay natin sila.” ani pa ng alkalde.
“Kailangan na namin ng matutuluyan” wika ni Kazmir.
“Ihahatid kayo mamaya ng mga tauhan ko sa matutuluyan niyo.” ayon pa sa alkalde.
Habang kaharap ng tatlo ang alkalde, hindi naman mapakali sa kinauupuan nito si Gurro. Iba ang kutob nito sa alkalde. May napansin kasi ito sa mukha ng alkalde na bumabagabag sa kanya. Biglang tumayo si Gurro,at nag wika ng pamamaalam sa alkalde.
“Mahalaga sa amin ang bawat sandali, kaya hindi na kami magtatagal at kailangan na naming masuyod ang buong bayan. Salamat na lang sa mga pagkain ngunit busog pa kami. Paumanhin kailangan na naming magtrabaho.” ayon pa kay Gurro.
Akma na itong aalis nang ,sinigawan ito ng alkalde. Pinigilan niya si Gurro na umalis, at nagsalita.
“Pambabastos ang pagtalikod sa grasyang nakahain! Bumalik ka at umupo. Kain!, mahirap gumalaw pag gutom. At isa pa, hindi pa kayo bayad diba? Kaya kung nais niyo makuha itong nasa harapan ko. Huwag niyo akong bastusin sa harapan ng pagkain.” ang galit ngunit nakangising wika ng alkalde.
Inilapag nito sa hapag kainan ang limang malaking supot na puno ng mga baryang ginto. Halos lumuwal ang mga mata nina Bugror at Kazmir nang makita iyon sa kanilang harapan. Ngunit hindi iyon nagpabago sa desisyon ni Gurro. Batid nitong may kakaiba talaga sa alkalde.

Pinigilan pa ng dalawa si Gurro ngunit nakapagpasya na itong umalis, galit man sa kanyang ginawa, hindi na pinigilan ng alkalde ang pasya ni Gurro. Hinayaan nitong lumisan ang isa. Nagpatuloy naman sa paglantak ng mga pagkaing nakahain ang dalawa. Nagpakabusog at nagpakasawa ang mga ito sa inihandang pa-piging sa kanila ng alkalde. Takam na takam sina Bugror at Kazmir habang nakangising nakatanaw lang sa kanila ang alkalde.
Sakay ng kanyang kabayo, mabilis na nilisan ni Gurro ang bayan at tinungo ang mangubat na bahagi nito upang hanapin sina Amarilyo at Lukas.
-*-
Nang makahanap ng lugar sina Amarilyo agad sila naghanda ng makakain. Isang manok gubat ang pinagsaluhan ng dalawa na hinuli ni Lukas. Kumakain na ang dalawa nang makarinig sila ng mga yabag ng kabayo papalapit sa kanilang puwesto. Napatayo si Amarilyo ng matanaw ang papalapit na si Gurro.
“Gurro, nasaan na ang dalawa at ano ang ginagawa mo rito?” pagtataka ni Amarilyo.
“Mabuti at nakita ko agad kayo. Naiwan sa munisipyo sina Bugror at Kazmir kasama ang alkalde.”
“May problema ba sa bayan?” tanong ni Lukas nang mapansin ang pagkabahala sa mukha ni Gurro.
Sinabi ni Gurro sa dalawa ang naobserbahan nito nang nakipagkita sila sa alkalde at ang hinala nito sa naturang mayor. Hindi na nagdalawang isip pa ang dalawa na paniwalaan ang sinabi ng kasama. Kaya matapos silang kumain, sinamahan ng dalawa si Gurro pabalik sa munisipyo. Alam nila na mapagpanggap ang mga halimaw at ginagamit nila ang katauhan at anyo ng tao upang maikubli ang kanilang tunay na anyo.
Sa dami ng nakaharap nilang halimaw, marunong na silang makiramdam sa kanilang paligid.
Sakay ng kanilang mga kabayo, tinungo ng tatlo ang sentro ng bayan. Ngunit nang papunta na sila sa munisipyo,hinarang ang tatlo ng mga sundalo.
“Kailangan makausap namin ang alkalde, kami ang pinatawag niyang mga mangangayam” wika ni Amarilyo sa sundalo.
“Nagpapahinga na ang aming alkalde, ayaw na nyang tumanggap ng bisita.” tugon ng sundalo kay Amarilyo.
“Nasa loob ng munisipyo ang mga kasamahan namin. Kailangan namin silang makausap.” sabat pa ni Gurro.
“Katirikan ng araw, nagpapahinga ang alkalde niyo?” singit pa ni Lukas.
“Nasa bahay pahingahan na ang mga kasamahan niyo. Kung nais niyo silang makita, sasamahan namin kayo. “ ayon pa sa sundalo.
Dinala silang tatlo sa isang bahay pahingahan sa dulong bahagi ng bayan’, malayo sa mga kabahayan. Papunta pa lang sila nang mapansin na ng tatlo ang mga kabayo nina Bugror at Kazmir. Doon na sila iniwan ng mga sundalo. Naunang bumaba ng kanyang kabayo si Amarilyo at pumasok sa loob ng naturang paupahan. Sumunod naman si Lukas, habang nagpaiwan sa labas si Gurro para magbantay.
Hinanap agad ni Amarilyo ang dalawa sa mga silid sa loob. At sa dulong silid nga natagpuan nito ang dalawa na subrang himbing ang pagkakatulog. Kahit ano’ng gising ni Amarilyo sa dalawa, parang balewala lang. Tulog padin ang mga ito. Inabutan ni Lukas na ginigising ni Amarilyo sina Bugror at Kazmir. Nang may napansin si Lukas sa mga bibig ng dalawa. Pinatabi nito si Amarilyo at sinuri ang bibig ng dalawa. May hinugot ito mula bibig ni Kazmir. Isang tila kumpol na hibla ng buhok ang dinukot ni Lukas sa bibig ng dalawa, at ipinakita iyon kay Amarilyo.
“Nilason sila, at tama nga ang hinala ni Gurro” wika ni Lukas.
“Buhay pa ba sila?” napatanong si Amarilyo.
“Wala na sila, mukha lang silang tulog ngunit wala na silang buhay. Nahuli tayo. Isang patibong itong hinanda nila sa atin.” saad pa ni Lukas.
“Pero napansin kong tumitibok pa ang mga puso nila, at hindi naman sila malamig tulad ng isang bangkay.“ayon pa kay Amarilyo.
Kinuha ni Lukas ang patalim na nakasukbit sa kanyang sapatos, iginuhit niya iyon sa dibdib ni Kazmir. Pinilas ang bahaging iyon. Ikinagulat ni Amarilyo ang kanyang nasaksihan. Mula sa sinugatang parte na iyon ni Lukas, lumabas ang tila isang lintang mabuhok, kulay itim at naglalaway. Tinusok iyon ni Lukas gamit ang patalim na hawak.
“ito ang laman ng kanilang mga katawan. Ito ang naramdaman mong gumagalaw sa kanila at ito rin ang nagbibigay init sa katawan nila. “ Paliwanag pa ni Lukas.
“Paano mo nalaman na may ganyan sila sa katawan?” tanong ni Amarilyo.
“Naaamoy ko sila, ito ang kakayahan ko. Kaya kung makaamoy ng mga bagay na hindi na aamoy ng pangkaraniwang tao. Lalo na kung lason.”
Iniwanan ng dalawa ang wala ng buhay na katawan ng dalawa, ngunit bago pa man nila nilisan ang silid na iyon ,sinilaban muna ni Amarilyo ang kama kung saan nakaratay ang kasamahan. Pagkalabas ng dalawa sa bahay pahingahan na iyon wala na si Gurro. Hinanap nila sa paligid ang kasama ngunit hindi na nila ito makita, ang tanging naroon na lang ay ang kabayo ni Gurro.
Nilisan nina Amarilyo at Lukas ang natutupok nang bahay paupahan. Tinungo nila ang munisipyo ng alkalde.
Sa bungad pa lang ng munisipyo hinarang na sila ng mga sundalo at tauhan ng alkalde. Wala nang nagawa ang dalawa kung hindi labanan ang mga ito. Gamit ang kanilang mga sandata sinagupa ng dalawa ang mga sundalong nagtatangkang pigilan sila. Dumanak ang dugo sa labas ng munisipyo, labag iyon sa kagustuhan nilang dalawa. Ngunit itinulak sila ng pagkakataon para ipagtanggol ang kanilang sarili.
Nang mapasok nila ang munisipyo, agad nilang hinanap ang kinaroroonan ng alkalde. Hinalughog nila ang bawat sulok at silid ng munisipyo, Hanggang sa mapansin ni Amarilyo ang malapot na tila laway na gumuguhit sa sahig patungo sa isang silid sa pinaka dulo ng pasilyo. Sinundan iyon ng dalawa. At nagulat ang mga ito sa tumambad sa kanilang tagpo. Balot ng tila malapot na laway ang buong loob ng malaking silid na iyon at sa tila sapot ng makapal na laway nandoon ang hindi mabilang na katawan ng mga babaeng hubo’t hubad na sinasaputan ng malapot na laway at wala ng mga buhay.
At mayroon pa sa sahig. Mga nagpatong-patong na mga katawan na balot din ng malapot na laway. Doon nila nakita ang katawan ni Gurro na naghihingalo. Agad na lumapit si Amarilyo para tanggalin ang nakasagot sa kasama.
“Ang alkalde,siya ang halimaw” bulalas pa ni Gurro bago ito tuluyang nawalan ng buhay.
Napaatras si Amarilyo nang may gumapang pababa mula sa isang sulok ng kisame. Isang matabang lalake na nakakadiri ang mukha, ang kalahating katawan nito ay halintulad sa isang mabuhok at matabang linta. Naka-buka ang dibdib nito at may tila mga galamay itong naglalaway. Lubhang nakakadiri at nakakatakot ang nilalang na sumambulat sa kanilang harapan.
Agad na inatake ng halimaw si Amarilyo gamit ang mga galamay nito. Nakailag sa atake ng halimaw si Amarilyo. At gamit ang malaking espada ni Lukas,patakbong sinugod nito ang halimaw at tinaga ang mga galamay nito. Ilan sa mga galamay ang naputol nito. Sinigundahan naman ni Amarilyo ang pag atake gamit ang kanyang pana. Pinauna nito ang halimaw, ngunit tumalbog lang ang palaso sa katawan nito. Muling sumugod si Lukas at pinuntarya nito ang katawan ng halimaw. Ngunit bago paman nito nataga ng espada ang halimaw, binulwakan na siya nito ng malapot na laway.
“Mga paki-alamerong mga nilalang, kung sa tingin niyo mapipigilan niyo ang mga tulad namin dahil sa ginagawa niyong pagpapakabayani, nagkakamali kayo. Dahil mauuna kayong mawawala sa mundong ito!” wika pa ng halimaw na linta.
Dahil sa laway na tumilapon kay Lukas, nahirapan ito gumalaw, lalo pa at May kung anong init ang pumapaso sa balat nito nag dudulot ng nakakangilong sakit sa kanyang laman. Gayunpaman nagawa parin nitong maihagis kay Amarilyo ang kanyang espada.
“Tapusin mo na ang halimaw na ito Amarilyo!” sigaw ni Lukas.
Nang masalo ni Amarilyo ang espada ni Lukas, agad niya itong inihataw sa katawan ng halimaw. Sa lakas ng pagkakabigwas at sa talas ng sandata ni Lukas, nasugatan nito ng malala ang halimaw na lalong nag wala dahil sa tinamong pinsala.
Nakakuha ng pagkakataon si Amarilyo na tapusin na ang laban. Isang matinding bigwas pa ng sandata sa tiyan ng halimaw ang pinakawalan ni Amarilyo. Sa pangalawang hagupit ni Amarilyo,nahiwa nito ng malala ang tiyan ng halimaw. Sinubukan pa ng halimaw na gumanti kay Amarilyo ngunit ininda talaga nito ang tinamong sugat. Nahirapan itong kumilos.
“Uunti-untiin ko kayong mga halimaw kayo, hanggang sa tuluyan na kayong mabura sa mundong ito!” wika pa ni Amarilyo,habang hinahanda muli ang sarili sa susunod na pag atake.
Itinaas muli nito ang hawak na espada, bumuwelo si Amarilyo, pag-kuwan,tinalunan nito ang halimaw sabay taas ng kanyang espada. At kasabay ng pagbagsak nito sa katawan ng halimaw itinarak nito ang talim ng espada sa dibdib ng kalaban. Sapol ang puso ng halimaw, biglang hinugot ni Amarilyo ang sandatang nakatarak. Bumulwak ang malapot na laway at dugo sa paghugot na iyon ni Amarilyo.
Bagsak na sa sahig ang halimaw, ngunit hindi pa natapos ang gigil ni Amarilyo. Pinutol pa nito ang ulo ng halimaw upang siguraduhing patay na talaga ito.
Nilapitan ni Amarilyo ang naghihingalong si Lukas, wala na itong nagawa para sa kalagayan ng kasama.
“Alagaan mo ang sandatang iyan. ipagpatuloy mo ang laban. Ubusin mo sila.” habilin ni Lukas kay Amarilyo bago ito tuluyang namaalam.
Sa pangalawang pagkakataon muli na namang naiwan sa kanilang laban si Amarilyo. Tila naulit lang ang noon sa kanya. Nilisan ni Amarilyo ang lugar bitbit ang pangakong hindi titigil hanggat hindi nauubos ang lahat ng uri ng halimaw sa lupa.
-*-
Sa karatig na lupain ng Balagbagan sa bayan ng Aligreo, sa isang bahagi ng mangubat na burol. Isang lugar doon ang iniiwasan ng karamihan dahil sa misteryoso nitong katangian. Ngunit paboritong tambayan ng isang binatang nakatira malapit lang din sa lugar na iyon. Siya si…
“Belzar! ilang ulit ko bang ipaalala sa iyo na mapanganib ang lugar na iyon.” Bulyaw ng isang ama sa kanyang anak nang mapansin nitong papasok pa lang sa kanilang bakuran.
“Paano naging mapanganib ang ganun ka ganda at katahimik na lugar ama? At isa pa, doon lang ako nakakahanap ng kapayapaan sa aking sarili.” tugon naman ng anak na nasa dese nuwebe ang edad.
“Nakakabulag ang kagandahan Belzar, at hindi dahil wala kang nakikitang mali ay ligtas na. Kaya bago kapa mapahamak, itigil mo na ang pagpunta sa lugar na iyon.” saad pa ng ama.
“ama, matanong ko lang simula nang magising ako, ni minsan hindi mo na ikuwento sa akin ang tungkol sa aking ina. Ano ba ang nangyari?, wala kasi akong matandaan na kahit ano sa kanya.” biglang natanong ni Belzar sa amang si Bakus
“sanggol ka palang ng mamatay ang ina mo. Namatay siya habang nililigtas ka niya sa halimaw na nagtangkang kunin ka.”
“Kaya ba naging tagapagtugis ka ng mga halimaw ama?”
“Mapanganib ang mga halimaw Belzar, kaya kailangan nila mawala sa mundo. Hindi sila nararapat mabigyan ng karapatang makihati at mabuhay na kasama natin. Kaya makinig ka, huwag ka nang bumalik sa lugar na iyon.” Ang wika pa ng ama.
Tumango naman si Belzar, ngunit sa halip na pakinggan ang ama. Mas naging mausisa pa ito sa tinatagong lihim ng lugar na kanyang pinupuntahan.
Isang araw, sa kabila ng mga bilin ng ama, muling pinuntahan ni Belzar ang naturang lugar. Patungo na siya roon nang may nakasalubong itong lalake, na may nakakagulat na itsura. May hawak itong malaking palaka sa kamay.

Napaatras ang lalake at umiwas kay Belzar. Ngunit likas na pala-kaibigan itong si Belzar. Tinawag nito ang lalake. Napahinto naman ang isa nang tinawag ito ni Belzar.
“Lumayo ka sa akin, halimaw ang tingin ng karamihan sa akin dahil sa hitsura ko. Lubayan mo na lang ako, at lisanin mo na ang lugar na ito bago kapa mapahamak.” wika ng lalake kay Belzar na iniiwas ang mukha nito na makita ng binata.
“isa akong kaibigan, malapit lang ang tirahan namin dito. At hindi ako masamang tao tulad ng kinakatakot mo.” saad ni Belzar.
Lumapit pa si Belzar sa lalake at nagpakilala. Tumugon naman sa kanya ang lalake at nagpakilalang si Eric. Hindi maiwasang titigan ni Belzar ang nakalaylay na balat sa mukha ni Eric, ang mga maliliit nitong bukol sa noo at pisngi na parang balat ng isang palaka na talaga namang takaw pansin. Kinailang iyon ni Eric. Kaya galit itong sinaway si Belzar.
“Kung huhusgahan mo lang ang mukha ko, hindi ka isang kaibigan. Alis na hindi ko kailangan ng isang kaibigan.” galit na sabi ni Eric.
“Teka Eric,hindi ako ganun.” tugon ni Belzar.
Ngunit hindi nito nakuha ang loob ni Eric. Lumihis ng daan si Eric at iniwan si Belzar. Mabilis ang mga hakbang ni Eric at agad na naglaho sa masukal na bahagi ng gubat. Sinundan ni Belzar si Eric, dahil may kung ano itong naramdaman sa lalake na tila nag-uudyok sa kanya na alamin ito.
Sa pagsunod nito sa dinaraanan ni Eric, tila naligaw si Belzar. Natagpuan nito ang sarili sa kakaibang uri ng kagubatan. Lahat doon ay balot ng mga lumot. Mula sa mga sanga ng puno, sa mga katawan ng mga puno at maging sa mga malalaking ugat nito, balot ng makakapal at luntiang ang lumot. Nakakamangha ang pinamamalas na ganda ng lugar. Ngayon lang natuklasan ni Belzar na may ganun palang uri ng tanawin na ikinukubli lang ng gubat. Lahat ng naaabot ng kanyang paningin ay mga puno na balot ng makakapal na lumot. Magamot sa bahaging iyon at ramdam ang kakaibang lamig.
Nagpatuloy pa si Belzar habang tinatawag ang pangalan ni Eric. Umaalingawngaw ang boses nito, ngunit walang Eric na a tumugon sa kanya. Hanggang sa nadulas ito sa isang bato na malumot. Tuloy-tuloy ang pagpadaus-dos ni Belzar pababa. Sa sobrang dulas ng paligid tuloyang nahulog si Belzar. Sa sama ng pagkabagsak ni Belzar nawalan ito ng malay.
Isang lalake ang lumapit sa walang malay na si Belzar. Nang sa paglapit nito biglang nagising si Belzar. Napa atras ang lalake nang makita ang pagdilat ni Belzar.
“Eric?” Bungad na tanong ni Belzar nang makita sa harapan nito ang lalake.
“Hindi Eric ang pangalan ko, Tuway, Tuway ang pangalan ko.” saad ng lalake.
Magandang lalake si Tuway, makinis ang mukha at may mapungay na mata. Iba nga sa itsura ni Eric. Nagpakilala naman si Belzar sa lalake. Nang tumayo na si Belzar nagulat naman ito nang makita ang napakaraming mga palaka na nakapalibot sa kanila. Kahit saan tumingin si Belzar may mga palaka. At ang lahat tila naka tingin sa kanya.
Nasa isang latian si Belzar, malawak na latian na maraming palaka.
“Ihahatid na kita sa labasan, batid ko na naligaw ka na.” sabi ni Tuway kay Belzar.
“Bakit ano ba ang lugar na ito?” tanong ni Belzar.
“Mapanganib ang bahagi na ito ng gubat, at hindi basta-basta pinapahintulutan ang sino mang mapadpad dito. Sumunod ka sa akin at ituturo ko ang daan palabas.” Tugon pa ni Tuway.
Sumunod naman si Belzar. inihatid nga ito ni Tuway sa maluwang na bahagi ng gubat. At doon na rin nagpaalam kay Belzar si Tuway.
“Dito na tayo maghihiwalay, sa kanan ang daan palabas sa gubat.” wika ni Tuway.
“Taga rito ka ba? baka gusto mo sumama ka na muna sa bahay.” turan pa ni Belzar.
Malayo sa pamayanang sina Belzar at nasa liblib sila ng gubat nakatirang mag-ama. At wala halos itong nakikitang mga kabataan na ka-edad niya na nagagawi roon sa kanila. Nakakakita lang ito ng mga tao, isang beses sa isang buwan. Sa tuwing sumasama ito sa ama para mamili ng mga kakailanganin nila sa bahay. Kaya sobrang laking saya para kay Belzar na makakita ng ibang tao sa bahaging iyon bukod sa kanyang ama.
“Malapit lang din ang sa amin dito, hayaan mo hindi pa naman ito ang huli nating pagkikita. Sa ngayon kailangan ko pa puntahan ang aking ama na nangangahoy.” tugon ni Tuway kay Belzar.
Kumanan si Belzar na umaasang magkita muli sila ni Tuway.
Isang araw maagang nagising si Bakus. Maaga itong nagluto nang almusal nilang mag ama. Araw iyon ng pag dayo nila sa bayan para mamili ng mga kakailanganin nila sa bahay. Iyon din ang araw na hinihintay ni Belzar dahil makakakita na naman ito ng ibang tao. Ginising na ni Bakus ang anak. Tumungo agad sa balon si Belzar para makapaghilamos nang may napansin itong nakasabit sa kanilang bakuran. Isang lumang basket na may takip na pulang tela.
Tila may naaalala ito sa bagay na iyon. Ngunit hindi malinaw sa kanya kung ano. Nang lapitan ito ni Belzar, nagulat ito nang makita ang laman ng basket. Mga samot saring mga prutas na kakapitas pa lang. Kinuha ni Belzar ang basket at dinala iyon sa loob at ipinakita kay Bakus.
“Kanino naman kaya galing ang mga iyan? Naku Belzar huwag mong kainin ang laman ng basket na iyan baka may lason ang mga prutas na iyan. Hindi natin alam kung sino ang naglagay niyan sa bakod.” saad ni Bakus na may pagdududa sa hawak na basket ng anak.
“Mukhang wala namang lason ama.At may hinala na ako kung kanino ito galing. Baka isa sa kanila ni Eric at Tuway ang naglagay nito sa bakuran natin.” wika pa ni Belzar.
“At sino na naman ang mga iyon. Mangangaso?” tanong ni Bakus.
“Nangangahoy po ama, at ayon sa kanila nasa malapit lang din po ang tirahan nila.” sagot ni Belzar.
“Paalala lang Belzar, hindi lahat ng mababait sa iyo, pagkakatiwalaan mo. Lalo na sa lugar na ito. Bilisan mo na riyan at kailangan na nating bumaba ng bayan. Huwag mo kalimutang magdala ng sako para paglagyan natin. Ihahanda ko lang ang kabayo at bagon.”
May kalayuan ang bayan mula sa burol kung saan naninirahan ang mag ama. Sa bungad pa lang ng bayan parang nais na bumaba ni Belzar.
“Bakus!” Isang malakas na sigaw ng isang lalake na sumalubong agad sa kanila.
Huminto sina Bakus para hintayin ang paglapit sa kanila ng lalake.
“Deo anong problema?” tanong ni Bakus sa lalake.
“Halika ,tamang tama at may nagaganap na pulong sa Taberna.” ayon pa sa lalaking si Deo.
“Pulong para saan?” tanong pa ni Bakus ng bumaba na ito sa kanyang bagon.
“May dalawang linggo nang may nawawalang mga kalalakihan dito sa amin at sa mga kalapit na bayan. Lahat mga binata. May hinala kami na isang diwatang halimaw ang kumuha sa kanila.” kuwento ni Deo.
Sumama sina Bakus at Belzar kay Deo sa isang Taberna. At sa loob nga, hindi magkamayaw ang Taberna sa dami ng tao na naroroon sa loob. Maingay ang lahat dahil sa kaliwa’t kanang diskusyon. Nakiramdam muna si Bakus sa mga usapan ng tao roon. Inalok sila ni Deo sa isang lamesa.
Isang matabang babae ang lumapit sa kanila .
“Deo, sino ba ang mga ito? ngayon ko lang sila nakita rito. Mga dayo?” tanong ng babae.
“Anong dayo? Hindi lang sila nakatira dito sa bayan pero dito na sila nakatira sa lupain ng Balagbagan. Doon sa May burol sa labas nitong bayan. Siya si Bakus, ang minsan ko nang naikuwento na nagligtas sa amin ng atakihin kami ng halimaw na linta sa lawa ng Kugtong. Isa siyang Mangangayam. Tagatugis ng mga halimaw.” saad ni Deo.
Nais pa sanang itanggi ni Bakus ang mga sinabi na iyon ni Deo, ngunit nang marinig ng babae ang kuwento ni Deo, bigla nitong tinawag ang atensiyon ng lahat na naroon at ipinakilala sa lahat si Bakus.
Nang malaman ng mga tao ang tungkol sa ginawang pagtulong at pagligtas ni Bakus noon sa grupo nina Deo. Humingi na sa kanya ng tulong ang mga ito. Lalo na ang mga kaanak ng mga nawawalang binata.
“Magbabayad kami para sa gagawin mo. Tulungan mo lang kami na maibalik sa amin ang mga anak namin.” pakiusap pa ng isang ina kay Bakus.
Napuno ng mga pagkain ang lamesa nina Bakus. Lahat ng iyon bigay ng mga tao na umaasa sa gagawing tulong sa kanila ni Bakus.
“Hindi tayo sigurado kung halimaw nga ang may kagagawan ng pagkawala ng mga binata dito sa atin. Gayunpaman , titingnan ko ang magagawa ko. Sa ngayon ang tanging magagawa lang natin ay mag ingat at bantayan ang mga anak natin.” wika ni Bakus sa harapan ng marami.
“isang dayong lalaking may mukha na parang palaka ang pagala-gala dito noon, bago nangyari ang pagkawala ng mga kalalakihan dito. Kaya may kutob kaming halimaw iyon at siya ang dumukot sa mga lalake rito.” sabat ng isang lalake.
Nang marinig iyon Belzar, bigla itong nagsalita.
“May mali man sa kanyang mukha pero hindi ibig sabhin ay halimaw na ang tao. Maaring panget nga ito sa inyong paningin pero hindi ba mas pangit ang manghusga ng kapwa. Lalo na kung wala naman tayong patunay. “ saad ni Belzar.
Umani ng iba’t-ibang kuro-kuro ang sinabi na iyon ni Belzar. May mga nakaunawa ngunit mas marami ang naniniwalang halimaw ang turing nila sa lalaking may mala palaka ang mukha. Nang makalabas na sila ni Bakus sa naturang Taberna, pinagsabihan nito si Belzar sa naging pag asal niya mga tagaroon.
“Hindi ka dapat nagbibitaw ng mga opinyon sa mga taong iyon Belzar. Lalo na sa mga taong biktima at kumakawala ang galit sa kanilang mga salita. Dahil baka iba ang isipin nila at mabigyan ng maling pakahulugan ang sasabihin mo, na pinoprotektahan mo ang kinikilala at pinaniniwalaan nilang halimaw.” paliwanag ni Bakus.
“pero ama,mali ang humusga ng kapwa base lamang sa kanyang pangit na anyo. At mauwi lang sa maling pagpaparatang ang lahat.” ang panindigan parin ni Belzar.
Tinitigan lang ni Bakus si Belzar. Tanaw nito sa pagkatao ng anak ang kanyang sarili nang kanyang kabataan. Mula sa Taberna naghanap si Bakus ng murang bahay tuluyan sa bayan na iyon. Habang sinusuyod ng dalawa ang mga kalye sakay ng kanilang bagon sa paghahanap, napansin ni Bakus ang pananahimik ni Belzar nang mapadaan sila sa isang hilera ng mga panaderya sa isang kalye.
“Gusto mo ng tinapay? Saglit at itatabi ko lang ang bagon natin.” wika ni Bakus ng makitang nakatingin sa salamin ng isang panaderya si Belzar.
Pagka-parada ng bagon naunang bumaba si Belzar at agad na tinungo ang isang panaderya. Hinawakan nito ang pader ng tindahan ng mga tinapay. At napasilip sa loob. Isang babaing taga tinda ng tinapay ang bumati sa dalawa na agad na ibinida ang masasarap at kakaluto pa lang nilang mga tinapay. Habang namimili sina Bakus ng tinapay isang binatilyo ang pumasok na may bitbit na isang kahon na may mga malalaking garapon ng sariwang gatas.
“Ginang Ebol, narito na po ang apat na garapon ng gatas ng kambing pati ang keso.”
“Dalin mo na lang kay Joda ang mga iyan. Sabihin mo sa ina mo na salamat sa mga kalabasa noong nakaraan.“tugon ng babaeng tindera ng tinapayan sa binatilyo.
“makakarating ginang Ebol, hayaan niyo bukas magdadala naman ako dito ng sayote.”
“Naku huwag na, ibenta niyo na lang sa palengke.O siya dahil mo na ang mga gatas sa loob. Daanan mo na lang dito ang bayad at may ibibigay din ako sa inyong espesyal na ensaymada.”
Nakatitig lang sa dalawa si Belzar, tila nakikita nito ang sarili sa batang nag titinda ng gatas sa panaderya. Ilang mga imahe ang dumadaan sa paningin nito ngunit sobrang malabo ang mga iyon. Mga imahe na tila ba may koneksyon sa kanya ngunit hindi niya mapagtanto kung ano at bakit. Maging sa pagpapatuloy nila, tulala si Belzar na bakat sa mukha na may malalim itong iniisip.
Bago pa man kumagat ang hapon nakahanap din ng matutuluyan ang dalawa.
“Bakit kumuha pa tayo ng matutulugan ama, magtatagal ba tayo dito sa bayan ng Aligreo?” tanong ni Belzar.
“Magpapalipas lang tayo rito ng gabi. Nais ko lang tukuyin kung may katotohanan ang mga sinasabi ng mga tao.” tugon ng ama habang inaayos ang mga gamit nitong dala.
“Papatayin niyo ang tinuturo nilang tao ama?”
“Halimaw ang pinupuksa ng mga sandata ko Belzar hindi ang inosenteng tao. Pero ito palagi ang pakatandaan mo anak, maging sa pinaka maamong tupa sa harang kayang gayahin ng isang mabangis na lobo. Kaya huwag ka magpapalinlang sa kabaitan ng mukha.”
Dahil sa mataas pa ang sikat ng araw at may mga kulang pa sa kanilang pangangailangan. Lumabas ang mag ama at magkahiwalay na nag ikot sa bayan. Tinungo ni Belzar ang patungong pier, si Bakus naman ay bumalik sa Taberna at isinama ang kakilalang si Deo upang simulan ang kanyang pagsuri. Tamang tama ang pag punta ni Belzar sa pier, dahil kakadaong lang ng barkong kalakal na karga ang mga produkto mula sa mga karatig na kalupaan at kaharian.
Dinumog agad ng mga tao at bolantero ang mga ibinababang produkto mula sa malaking barko. Nakipag siksikan na rin sa kanila si Belzar, bitbit ang kanyang sako na paglalagyan ng mapipiling produkto. Namimili ng mga sumbrero at pangginaw si Belzar nang may tumapik sa kanyang balikat. Kaya napalingon ito. Gumuhit ang ngiti sa mukha ni Belzar ng makita si Tuway.
“Ganitong araw din pala kayo dumadayo ng bayan.” sambit ni Belzar.
“Hindi naman, iba ang pakay ko sa pagpunta dito.” tugon ni Tuway.
“Ano naman ang pakay mo dito, kaibigan?”
“Diyan, sa malaking barko na iyan.” wika ni Tuway sabay turo sa paparating na isa pang barko, mas malaki ito kumpara sa barkong pangkalakal na nauna ng dumating.
Ang barkong “La Grande”

Kilala ang La Grande sa magarbo nitong anyo at grandiyusong laki. Tanyag ito saan mang sulok ng mundo dahil sa paniniwalang ang barko na ito ay ginawa ng mga diyos. At mapalad ang bayan at kaharian na kanyang madadaanan dahil sa kasaganaang iiwan nito sa kanyang pag alis. Marami ang nangangarap na maka sampa sa naturang barko ngunit tanging ang mga maharlika at makapangyarihang pamilya lang ng estado ang pinapahintulutang masilip ang loob ng barko.
Nang araw na iyon ang lupain ng Balagbagan at bayan ng Aligreo ang pinalad na masilayan ang dambuhalang barko.
“Ano naman ang gagawin mo?, eh para lang sa mga hari at maharlika ang barko na iyan.” wika ni Belzar.
“Matagal ko nang inaabangan ang barko na iyan. Alam mo ba na panlabas lang ang ipinagmamalaki niyan? Isang propaganda lang ang kinakalat ng lahat tungkol sa barko na iyan. Sabihin mo nga, Ano ang ginagawa niyan dito sa bayan ng Aligreo? Hindi naman ganun ka yaman ang bayan na ito.” tugon ni Tuway.
“Ang alkalde ang gobernador, ang mga prayle at ang obispo. Di kaya ang mga mayayamang pamilya. “ saad pa ni Belzar.
Natawa lang si Tuway sa sinabi ng binata.
“May napansin ka bang mga karwahe o kabayo ng mga opisyales upang sunduin ang barko na iyan? Wala diba? Dahil ang totoo wala pa kahit na sino ang naka akyat at nakaranas sa barko na iyan. Bukod sa akin.”
Nag-iwan ng palaisipan kay Belzar ang sinabi na iyon sa kanya ni Tuway bago siya nito iniwan sa gitna ng kumpulan ng mga tao. Susundan pa sana ni Belzar si Tuway ngunit mabilis itong naglaho sa maraming tao. Mula sa kanyang kinatatayuan pinagmasdan ng husto ni Belzar papalapit na barko. Tunay ngang kamanghamangha ang imahe nito sa malapitan. At nakakalula ang tayog nito.
Tinapos ni Belzar ang pakay nito sa lugar at nagpasya ng bumalik sa tutuluyan nila ng kanyang ama. Wala pa roon si Bakus kaya lumabas muli si Belzar upang makapamasyal at makita muli ang mga ka idaran nitong minsan na niya nakilala sa bayan na iyon. Habang naglalakad sa kalye, isang lalaking balot ng balabal ang mukha at katawan ang nakabunggo sa kanya. Natumba si Belzar sa tindahan ng mga pakwan sa bangketa dahil sa paghawi sa kanya ng lalake na mabilis namang tumakbo. Kasunod nun ang pag dagundong ng ilang mga taong bayan na may mga hawak na gamit pampalo at armas. Hinahabol nila ang yaong lalaking bumunggo kay Belzar.
“Hayun ang halimaw! harangan niyo! huwag ninyong hayaang makatakas!” sigaw pa ng mga tao, habang tinutugis ang taong naka-balabal.
Kumilos naman si Belzar at sinundan ang mga ito. Ngunit lumihis ito ng daan upang maunahan nito ang mga taong bayan sa paghuli sa lalake. Ipinamalas ng mga sandaling iyon ni Belzar ang galing nito at liksi sa takbuhan at pa susuot sa mga makikipot na eskenita at daan.
Nang matanaw na ni Belzar ang lalake, gumawa ito ng abala para sa mga humahabol na taong bayan. Itinulak nito ang isang haligi ng tolda para sa nagtitinda ng mga alahas. Bumigay ang buong tolda at nadamay ang mga katabi nitong tindahan sa bangketa. Nagkalat ang mga panindang alahas, hayop, mga gamit sa bahay at kung ano-ano pa sa gitna ng kalye. Dahilan para magkagulo ang mga tao na naroroon. Nagkarambola rin pati ang mga humahabol na taong bayan. Sa ginawa na iyon ni Belzar nakakuha ng sapat na oras ang lalake na makatakbo ng husto palayo sa mga humahabol sa kanya.
Ngunit napagtanto ng lalake na maling kalye pala ang kanyang tinakbuhan. Pader na ang dulo at kung hindi agad ito makakaisip ng ibang daan, ma-susukol ito at mahuhuli. Napalingon ang lalaking nakabalabal nang marinig ang mga boses ng mga galit na taong bayan na patungo na sa kanyang direksyon. Patuloy ito sa paglinga-linga sa puwede nitong takasan nang may humila sa kanya mula sa likod ng mga sirang tolda sa gilid ng isang pader.
May lihim pa lang daanan doon na natakpan lang ng mga sirang tolda. Makipot ang daan ngunit sapat lang para maka kilos. Nang masigurong nakatakas na nga ito sa mga humahabol sa kanya, nagpasalamat na ito at nagpaalam sa tumulong sa kanya.
“Hindi ka na ligtas sa mga tao rito, kaya mag pagkalayo-layo ka na. Eric. “ Tugon ni Belzar sa lalaking nakabalabal.
“Nakilala mo ako? “
“Kahit balutin mo pa ang katawan mo, alam kong ikaw iyan. Sige na umalis ka na sa bayan na ito at huwag ka ng bumalik para na rin sa kaligtasan mo. “ Wika pa ni Belzar.
“Aalis ako pero hindi ko puwedeng iwan ang lugar na ito. Ikaw ang kailangan ng umalis sa lugar na ito. Baka pati ikaw mabiktima pa niya. “ Saad ni Eric.
Inusisa ni Belzar ang ibig sabihin ni Eric. Naging makulit ito kaya napakuwento na rin si Eric. Inilahad ng lalake na hindi talaga siya dayo sa lugar na iyon, ngunit dahil sa nangyari sa kanya kinasuklaman at kinadirian siya ng mga tao. Lalo na nang mangyayari ang sunod-sunod na pagkawala ng mga kalalakihan sa bayan.
“Ibig sabihin hindi ka ganyan dati? “ Tanong ni Belzar.
Umiling lang si Eric at napayuko.
“Isang pagkakamali ang nagawa ko, kaya gagawin ko ang lahat para itama ang lahat. Maraming napahamak dahil sa akin, kinakailangan ko silang maligtas bago pa sila tuluyang mawala dito. “ Wika ni Eric.
“Sino ang mawawala, sino ang ililigtas mo? Ano ba iyang pagkakamali ang nagawa mo? “ Tanong pa ni Belzar
Tumahimik si Eric, may kinuha ito sa kanyang bulsa. Isang piraso ng basag na salamin. Kakaiba ang salamin na iyon dahil may kung anong berdeng usok ang nakulong sa loob nito.
“Kapiraso ito ng buhay ko, kinuha niya ang halos kalahati ng ako. Nagtiwala ako, ang akala ko totoo siyang tao. Ngunit isa pala siyang halimaw na sinamantala ang kahinaan ko. “Pagsimula ng kuwento ni Eric.
-*-
“ Naging tampulan na ako ng tukso noon pa dahil sa pagkakaroon ko ng kakaibang sakit sa balat. Mas naging masalimuot ang lahat ng maulila ako sa magulang.“dugtong pa ni Eric sa malungkot na boses.
Ipinanganak si Eric sa maliit na nayon ng Tapi,na sakop parin ng lupain ng Balagbagan. Isang tugon mula kay bathala ang pagdating ni Eric sa kanyang mga magulang ngunit ng minsan masalanta ang buong nayon ng di matukoy na sakit, naging malaking pasanin sa mag asawa ng madamay sa naturang sakit si Eric. Gayunpaman nagpatuloy ang laban ng magpamilya sa kabila ng kondisyon ng anak.
Mistulang natutuyong lupa ang mga balat ni Eric sa katawan, nagbibitak-bitak ito at nag susugat. Kaya upang maibsan ang hirap ng kalagayan, kinagisnan na ni Eric ang lumublob sa tubig o putik, limang beses sa isang araw. Sa paraan lang kasi na iyon nakakaranas ng ginhawa si Eric. At dahil narin sa kanyang kalagayan wala ni sino mang mga kabataan sa kanila ang nais makihalubilo sa kanya sa takot na ang sakit nitong taglay ay nakakahawa.
Umabot pa sa punto na sa takot ng mga kanayon at kanilang kapitbahay, ipinatapon sila sa gitna ng kagubatan. Hanggang sa doon na nga nagkaisip si Eric at nagbinata. Kasabay ng paglaki ni Eric unti-unti na rin nawala ang mga bitak at panunuyo ng kanyang mga balat. Ngunit bakas parin ang mga nanuyong sugat dito.
Gabi na noon ng hindi pa umuuwi ang kanyang ama mula sa pangangaso. Hindi na mawari ang pag aalala ng mag ina, lalo pa at kumakalat na noon ang bali-balita tungkol sa mga gumagalang halimaw. Bitbit ang itak at gasera, nagpresenta si Eric na sunduin ang ama. Tutol man sa nais ng anak wala na rin nagawa ang ina nitong may sakit. Binasbasan na lang nito ang anak upang iligtas ito sa posibleng panganib sa daan.
Sinuyod ni Eric ang madilim na gubat, nagbabakasakaling makasalubong ang ama. Ngunit iba ang nakita nito sa daan. Isang sugatang lalake ang nakahandusay doon, hinang-hina at halos hindi na makakilos. Hubo’t hubad ito, kulubot na ang balat na nakalaylay. Napaatras na si Eric sa pag aalangan. Ngunit nang marinig nito ang paghingi ng lalake ng tulong naawa ito. Lumapit si Eric at inaalam ang kalagayan ng lalake, nang bigla na lang hinablot ng lalake ang braso ni Eric. Nagulat at natakot ang binata sa ginawa ng lalake.
Napansin ni Eric na may hinuhugot na kung ano ang lalake. May bagay itong dinaganan na nakabalot sa itim at makapal na uri ng balat ng kung anong hayop.Pilit iyon inaabot ng lalake kay Eric.
“kunin mo ito, sunugin mo hanggang sa maging abo.” wika ng lalake kay Eric bago ito tuluyang nawalan ng buhay.
Hawak na ni Eric ang bagay na inabot sa kanya ng lalake nang marinig nito ang mga sigawan mula sa mga taong bayan. Sa kalayuan tanaw ni Eric ang napakaraming ilaw ng solo na bitbit ng mga tao. Sa takot ni Eric na baka siya ang mapagbintangan sa nangyari sa lalake, umalis ito roon bitbit ang bagay na inabot sa kanya.
Pagkabalik ng kanilang bahay, hingal na hingal ito na halos masira na ang pintuan sa kanyang pagmamadali. Kumalma na lang ito ng maabutan niya na naroon na sa bahay nila ang ama na kasalukuyang may kinukuwento sa ina. Ayon sa ama ni Eric ,kaya hindi agad ito nakauwi dahil sa tumulong ito sa ibang mga ka nayon sa pagtugis sa isang halimaw na hindi mawari kung palaka ba iyon o anong klaseng nilalang. Nasugatan nila ang halimaw at tumakas papunta sa direksyon ng gubat.
“Nakita ko nga ang mga taong bayan kanina, kaya napatakbo na lang ako pauwi ama.” saad ni Eric.
“Eric, anak…mag iingat ka sa mga makikilala mo sa daan, hindi natin alam kung mga tao ba talaga sila o mga halimaw na nagpapanggap na tao.” paalala ng ama ni Eric sa kanya.
Napansin ng ina ang hawak ng anak, ngunit agad naman itong ikinubli ni Eric sa kanyang likod at tinungo ang silid. Sa kanyang silid, agad na nagsindi ng gasera si Eric upang ilawan ang loob ng kanyang pahingahan. Ipinatong nito ang dalang bagay sa maliit na lamesa at humiga na sa kanyang kama. Ngunit kahit anong pilit na pagpikit ang gawin nito hindi madapuan ng antok si Eric. Bumabalik sa gunita nito ang mukha ng lalake at ang bilin nito sa kanya.
Bumangon si Eric at kinuha ang bagay na nakabalot sa makapal at itim na balat ng hayop. Binuksan niya iyon at tumambad sa kanya ang isang hugis itlog na salamin. Kumikinang sa dilim ang mga batong palamuti nito palibot ng salamin hanggang sa hawakan. Napatingin doon si Eric na tila ba may kung anong lakas ang humihila sa kanya para silipin ang sariling mukha sa salamin.

Ikinagulat ni Eric nang masilayan sa hawak na salamin ang sarili. Hindi nito nakilala ang mukha dahil sa ibang-iba na ito. Makinis at walang bahid ng ano mang bakbak ng sugat ang kanyang mukha. Isang magandang lalake sa kanyang katauhan ang nakikita nito sa salamin. Nabighani ito sa ipinakita sa kanya ng salamin. Ang dati pa niyang pangarap ngayon pinagmamasdan na niya. Tulala sa pagkamangha si Eric,hindi ito makapaniwala sa kanyang nakikita kaya kinapa-kapa pa nito ang pisngi at mukha. Ngunit maging ang mga sugat nito sa mga braso at kamay naglaho na rin.
Sa tuwa ni Eric, inilagay niya ng nakasandal sa dingding ang salamin na kita ang buo nitong katawan. Nagtanggal ng kanyang saplot si Eric at pinagmasdan ang katawan sa salamin. Walang pagsidlan ang kanyang tuwa at saya sa nakikita. Makinis at malinis na ang buong bahagi ng kanyang balat. Hindi makapaniwala si Eric kaya hinanap nito ang lumang salamin ng kanyang ina sa tokador. Matagal nang hindi tumitingin sa salamin si Eric dahil ayaw niyang makita ang sarili kaya lahat ng salamin ay itinago niya. Pero sa puntong iyon, nais patunayan ni Eric na hindi lang ito nananaginip kaya hinanap nito ang lumang salamin. Ngunit ng mahanap at makita ang mukha nito roon, nabalot ng takot ang mukha ni Eric kaya naitapon nito ang salamin sa sahig dahilan upang pagpirapiraso ito.
Kasabay ng malakas na pagkabasag ng salamin, nagising si Eric. Ang lahat ng iyon pala ay tunay na isang panaginip lang. Tumatagos na sa siwang ng kanyang dingding sa silid ang sikat ng araw kaya bumangon na ito at binuksan ang bintana. Muli nitong tiningnan ang balat sa mga braso, napabuntong hininga na lang ito nang makita na wala namang nagbago sa kanyang kondisyon. Naroon pa din ang mga tuklap at sugat nito. Palabas na ito ng silid nang tingnan nito ang bagay na nakabalot ng makapal na itim na balat ng hayop. Nakatiklop padin ang balot nito. Kaya napakamot na lang ito ng ulo at inisip na panaginip lang talaga ang lahat.
Ngunit nang lumabas na ito ng silid, natigalgal sa kanyang kinakatayuan si Eric nang makita nito ang sarili na kausap ang mga magulang sa harap ng hapag-kainan. Masayang inaasikaso ng mag asawa ang kawangis ni Eric. Bagamat malinis ang balat ng nakikita at isa na itong magandang lalake, alam ni Eric na siya iyon, na sarili niya iyon.
Tumingin kay Eric ang kamukha nito at ngumiti. Lumapit ito sa kanya. Kinabahan si Eric sa mga titig na iyon sa kanya. Ang ipinagtaka pa ni Eric tila hindi siya nakikita ng kanyang mga magulang.
“Hindi ka na kabilang sa mundong ito, dahil ako na, ay ikaw at ikaw wala na. “ Wika ng kawangis ni Eric sa kanya.
Nang marinig ang sinabi ng kamukha, agad na tinakbo ni Eric ang mga magulang ngunit tumagos lang ang mga ito sa kanya. Nabalot ng takot at galit ang mga mata ni Eric, sinugod nito ang kamukha ngunit hindi man lang ito makalapit sa lalake na para bang may kung anong bagay ang pumipigil sa kanya. Hanggang sa may kung anong usok na lang ang lumulukob sa kanya at kasunod nito ang paghila sa kanya papasok sa salamin.
Natagpuan na lang ni Eric ang sarili na nakakulong na sa loob ng salamin. Iyon ang huling araw na nasilayan ni Eric ang liwanag. Ilang taon ang lumipas, at nalipasan na din ng pag asa si Eric, ang pangungulila nito sa ama ang tanging nagbibigay sa kanya ng kakapiranggot na pag-asa na balang araw masisilayan pa niya ang liwanag.
At dumating nga ang araw na dalangin ni Eric. Isang gabing mapayapa noon nang ang kalangitan ay biglang nag liwanag ng pula ng ang isang halimaw na ibon na nag aapoy ay nilusob ang buong nayon. Nagsiliyaban ang mga kabahayan at natupok maging ang kagubatan. Marami ang nawalan ng tirahan at kabilang sa mga nasalanta ang bahay nina Eric. Maraming namatay at isa na sa mga iyon ang mga magulang nito. Naging abo ang bahay nila dahil sa apoy na bitbit ng mapaminsalang ibon.
Nagising na lamang si Eric na wala na sa loob ng salamin. Ngunit nanlumo ito sa tanawing bumungad sa kanyang paglaya. Hinanap nito sa paligid ang mga magulang ngunit tanging mga sunog na kalansay na lang ang natagpuan nito. Galit sa sarili ang nagmarka sa kanya dahil sa nangyari, kung hindi lang sana nito tinanggap ang salamin hindi iyon sana nangyari sa kanila. Binalikan nito ang salamin, hinanap niya iyon. Ngunit hindi na niya ito nakita.Marahil na sunog na rin iyon dahilan upang makalaya ito roon, hinala pa ni Eric.
Sa kanyang pagsuri sa paligid, may napansin ito sa mga tambak na sunog na gamit. Hinugot niya ito roon.
Kapiraso ng basag na salamin mula sa mismong salamin kung saan ito nakulong. Habang hawak niya iyon napansin ni Eric na wala ng bahid ng sugat ang mga braso nito at kamay. Kaya nais nitong makita muli sa salamin ang mukha. Ngunit natigilan ito nang maalala ang nangyari sa kanya. Hinubad nito ang suot na balabal at ibinalot sa salamin, tsaka sinuri muli ang mga braso at katawan. Napangiti sa tuwa dahil magaling na rin maging ang balat nito sa katawan. At nang makapa ang mukha makinis na din ito ,alam niyang may nagbago muli sa kanya. Naibsan ang lungkot at pangungulila ni Eric dahil doon. Lumayo si Eric at nilisan ang kagubatan na kinagisnan at tinungo ang bayan.
Bakas pa sa bayan ang pinsala ng malaking sunog. Gayunpaman nagpatuloy ang buhay ng mga tao. Habang naglalakad sa daan si Eric nagtataka ito sa reaksiyon ng mga taong nakakasalubong. Tulala ang mga ito at tila namamangha sa kung ano mang nakikita sa kanya ng mga ito. Kaya sa kuryusidad nito, naghanap ito ng tubig upang mapagmasdan ang mukha at sarili. Nakakita ito ng balon malapit sa isang sunog na bahay. Dumungaw ito roon at nang makita ang sarili walang pagsidlan ng tuwa at saya ang naging reaksiyon nito. Maayos na nga ang kanyang mukha, at mas higit pa ang kagandahang lalake nito kumpara sa nauna, na maging siya ay hindi maiwasang mahumaling at humanga sa sarili.
Sa takot na baka isa na namang ilusyon ang lahat, kinausap nito ang bawat tao na naroon at tinatanong kung ano ba ang nakikita ng mga ito sa kanya. Lalong natuwa si Eric dahil ayon sa mga nakakasalubong, walang katulad ang kanyang kakisigan at magandang mukha. Na tila ba isang prinsipe ng isang kilalang kaharian.
Marami ang nabighani sa gandang lalake ni Eric, angat ang maganda nitong mukha sa mga kalalakihan at mga binatang taga bayan. Kaya nakaisip ng paraan si Eric na gamit iyon upang ayusin ang sarili.
“sige lang ginoo, kumain ka lang. Kung kulang pa, magpasabi ka lang. Kawawa ka naman.” Wika ng isang ginang na nag alok ng pagkain kay Eric, nang malaman ang sinapit nito.
“Kung nais mo ng matutuluyan, bukas ang pintuan ng aking kasa para sa iyo. “ Sabat naman ng isang babae na nag abot ng isang pares ng bota kay Eric.
“Maging ang aking tahanan ay bukas sa pagtira mo kaibigan. “ Saad pa ng isang lalake na nag bigay naman ng damit sa kanya.
Doon napatunayan ni Eric na ang malasakit ng mga tao, ay nababase sa iyong estado at mukha o anyo. Ipinakilala ni Eric sa lahat na anak siya ng isang may-ari at Kapitan pa ng malaking barkong pang ekspidisyon. At pansamantalang nakikituloy sa bahay ng kanilang tagasilbi na taga Tapi, upang subukan sana ang simpleng buhay malayo sa kanilang marangyang nakasanayan habang hinihintay ang muling pagdaong ng barko ng kanyang ama, para sunduin sila. Ngunit ng dahil sa nangyaring trahedya sa bayan ng Tapi nasunog ang tinutuluyan nilang bahay at kasama sa na abo ang kanyang ina.
Sa kuwento ni Eric, marami ang na habag at nag abot ng pakikiramay. Lahat handang tumulong kahit maging sila biktima rin ng trahedya. Dahil lahat sila pinangakuan ni Eric ng gantimpalang ginto at mga Diyamante sa oras na dumating na sa bayan ang kanyang ama.
Nalunod si Eric sa atensyon at pagpapahalaga ng mga tao sa kanya, bagay na hindi nila naranasan noong mahirap sila at may kapintasan ang anyo niya. Ninamnam iyon ni Eric. Nagpakasawa ito sa biyaya na dulot ng pagbabago ng kanyang mukha. Ayaw na nitong balikan ang dating siya. Isang gabing payapa noon, ng sa kalagitnaan ng pagkahimbing ay nagising si Eric sa isang masamang panaginip kung saan nakaharap nitong muli ang dating siya.
Sa takot ni Eric, bumangon ito at kinuha ang itinagong kapirasong basag na salamin na nakabalot pa noon sa luma nitong balabal. Sa paniniwala na magiging permamente lang ang kanyang bagong mukha kapag tuluyan ng maglaho ang salamin. Naghanap ito ng matigas na bagay upang basagin ng pino ang salamin. Gamit ang bakal na kandelabra, hinampas niya ito sa nakabalot na salamin. Ngunit matapos niyang gawin iyon, nakaramdam ito ng matinding sakit sa dibdib at nang tingnan niya ito nagkaroon ng butas ang bahagi ng kanyang dibdib na tila ba nabitak. Kinabahan at natakot para sa kanyang sarili si Eric kaya, kahit may kaba dali-dali nitong binuksan ang nakabalot na balabal upang silipin ang salamin.
Nagulat ito nang makita na ang tipak ng salamin ay kahugis ng butas na nasa dibdib nito. Kinuha niya iyon ngunit agad naman itong napulbo ng pino at naglaho. Hindi na tiningnan ni Eric ang buong salamin. Binalik niya ito sa pagkabalot. Napagtanto nito na kapares at kadugtong na ng sarili nito ang salamin.
Kinabukasan upang masagot ang bumabagabag sa isip, binalikan ni Eric ang kanilang bahay upang hanapin ang mga piraso ng salamin na hawak niya. At sa pagpunta nga doon ni Eric natigalgal ito kanyang naabutan. Lima pang Eric, ang dating Eric. Naroon sila na tila ba hinihintay ang kanyang pagdating.
“Mukhang nasanay ka na sa mukhang pinahiram ko sa iyo at kinalimutan mo na talaga ang totoong ikaw. “ Wika ng isa sa lima.
“Ibalik mo na sa kanya ang kapiraso ng salamin. Mas higit na kailangan namin ang buhay ng ating mga magulang kaysa sa mukha na iyan. “ Sabat ng isa.

