loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
TWISTED

TWISTED

Pyhurrehunk · 4 chapters · 5,792 words

AUTHOR’S NOTE

Lahat ng kwento dito ay one-shot lang.  Iba-iba ang genre ng bawat kwento. May horror, psychological, thriller, supernatural, at dark fantasy. Bawat isa ay may sariling mundo, sariling takot, at sariling bangungot. Hindi sila konektado, pero iisa ang babala.

 WAG PAKAMPANTE SA DILIM.

ANG APARADOR

Hindi ko makakalimutan ang amoy ng bahay nila noong gabing iyon. Malinis ang lugar, oo… pero mabigat ang amoy ng disinfectant na mahapdi sa ilong. Para bang may gustong itago ang bahay.

Ako si Mara, 23. Desperada na ako sa trabaho. Malapit na ang bayaran ng tuition ng bunso kong kapatid, at may sakit pa si Mama. Ako na lang ang kumakayod para sa pamilya. Kaya nang may tumawag at nag-alok ng babysitting na may magandang bayad, tinanggap ko kaagad kahit hindi ko kilala ang bata.

Pagbukas ng pinto, sumalubong sa akin ang nanay ng bata, si Ma’am Lira. Nakangiti siya pero hindi kumikislap ang mga mata, parang may tinatago ring pagod o pag-aalala.

“Madali lang ang trabaho mo,” sabi niya. “Si Philip, mabait at tahimik.”

Tahimik… iyon ang unang bagay na napansin ko kay Philip.

Naupo siya sa gilid ng sofa, parang estatwa. Walong taong gulang daw pero mas bata tingnan. Payat, maputla, at parang hindi nasisinagan ng araw. Hindi siya tumitingin sa akin. Sa isang sulok lang nakatuon ang tingin niya, parang may sinusundan na hindi ko nakikita.

“Hi, Philip,” bati ko, pilit na masigla.

Walang sagot. Hindi man lang kumurap.

Habang nagmamadaling nag-aayos ang magulang, lumapit sa akin si Ma’am Lira at bumulong, “Kapag sinabi niyang may halimaw sa aparador, huwag mo nang pansinin. Trauma lang ’yan.”

Napakunot ang noo ko. Halimaw? Aparador? Hindi ko alam ang pinanggagalingan nun, pero hindi ko na tinanong. Kailangan ko ng pera.

Nagpaalam ang mag-asawa. Mabilis, parang sobrang gustong makalabas. Ni hindi man lang hinalikan ang anak.

Pagkasara ng pinto, kumulob sa pandinig ko ang sobrang katahimikan ng bahay.

Paglingon ko, si Philip ay nakatayo na sa hallway, nakatalikod sa akin, nakaharap sa kwarto niya. Hindi ko man lang narinig ang paggalaw niya.

Tumingin siya sa akin, dahan-dahan, para bang pilit iniikot ang leeg.

“A-Ate Mara…” bulong niya, halos hindi gumagalaw ang labi. Para siyang natatakot na may ibang makarinig.

“Gumagalaw na naman siya sa loob.”

Hindi ko alam kung ano ang mas ikinilabot ko. Ang sinabi niya o ang paraan ng pagsabi niya.

Hinila niya ang kamay ko nang mahigpit. Hindi parang batang humihingi ng proteksiyon, kundi parang may gusto siyang ipasilip. Tahimik ang hallway, pero may kakaibang bigat sa hangin habang papalapit kami sa pinto ng kwarto niya. Para bang alam ng bahay na may hindi dapat mabuksan doon.

Pagpasok namin, napansin kong mas malamig dito. Iisang lampshade lang ang nakabukas, nakatutok sa lumang aparador na para bang sinasadya nitong bantayan kung ano man ang nasa loob niyon.

“Buksan mo,” utos ni Philip.

“Philip, hindi totoo ang halima-”

“Buksan mo.” Mas mababa ang boses niya ngayon, hindi nang-aaway pero hindi rin puwedeng tanggihan. Hindi siya tumitingin sa akin. Nakatutok ang mata niya sa hawakan ng aparador, para bang takot na takot… at sabay na kinakabahan na may makikita kaming hindi ko pa kayang tanggapin.

Huminga ako nang malalim. Binuksan ko ang aparador. At tama nga ako. Walang tao sa loob, kundi mga damit lang at alikabok.

Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit biglang sumikip ang dibdib ko.

Sa gilid, kita ang mahahabang gasgas, hindi gawa ng laruan. Ang direksiyon ng mga marka ay pataas, pababa… paulit-ulit. Parang may kumakamot mula sa loob.

Sa sahig, may manipis na bahid ng dugo, halos tuyo, nakadikit sa pako ng lumang kahoy.

At sa likod… doon tumindig ang balahibo ko. May maliit na butas, bilog, parang sinadyang butasin gamit ang matulis na bagay. Hindi ito normal. Hindi ito gawa ng bata. Hindi ko alam kung anong klaseng kamay ang makakabutas nang ganyan sa luma ngunit matigas na kahoy.

Sinara ko ang aparador. Pakiramdam ko, hirap akong huminga.

Pagharap ko kay Philip, nakatingin siya sa akin. Walang kurap, walang galaw.

“’Pag hindi mo binantayan ’yan…” bulong niya. “…lalabas siya habang tulog ka. Papatayin ka niya, Ate Mara.”

Pinilit kong tawanan sa sarili ko ang takot, pero hindi ko matagalan ang tingin niya.

Lumabas kami para maghanda ng hapunan. Pinilit kong kumalma. Hindi ako puwedeng magpaka-praning. Trabaho ko ’to. Pero habang hinihiwa ko ang gulay, ramdam ko ang mga mata ni Philip.

Paglingon ko, nakaupo siya sa upuan, tuwid ang likod, hindi kumukurap. Nakatuon sa bawat galaw ng kamay ko, lalo na sa kutsilyo. Parang pinag-aaralan niya kung paano ko ito hawakan.

“Philip? Gutom ka na ba?” mahina kong tanong.

Hindi siya sumagot. Imbes, inabot niya ang maliit na kutsilyo sa counter. Hawak niya ito sa pagitan ng mga daliri, hinahagod ang talim gamit ang hintuturo. Hindi mabilis, hindi rin malikot… sinasadya niya. Para bang sinusuri niya kung gaano ito katalas, kung paano ito tumatama sa balat.

“Hoy, ’wag mo- masasaktan ka,” sabi ko habang maingat na inaabot ang kutsilyo.

Pero hindi niya binitawan agad. Tumingin lang siya sa akin, diretso, walang emosyon.

“Kailangan mo ng panlaban sa kaniya, Ate Mara.”

Nang ilapag niya ang kutsilyo, ngumiti siya. Kaunti lang. Sapat para umakyat ang lamig sa gulugod ko.


Lumalim ang gabi, nagbabasa ako sa sala habang natutulog na si Philip sa kwarto. Tahimik ang bahay hanggang may narinig akong kaluskos. Sumunod ang tunog na

parang may nahulog na metal. Tapos may mahinang parang pagbukas-sara ng aparador.

Parang may humihila sa akin papunta sa hallway.

Dahan-dahan akong lumapit. Binuksan ko ang pintuan ng kwarto.

Si Philip, nakahiga sa kama, nakapikit, mahimbing ang tulog.

Nakasara ang aparador.

At doon ko sila nakita.

Sa sahig, nakakalat ang mga stuffed toys. Ang bawat isa, binuksan ang tiyan, pinaghiwa ang tahi, tinanggal ang cotton filling. Ang ilan, tinanggalan ng mga mata. Ang iba, pinilas ang ulo.

“Ginawa ko ’yan,” biglang sabi ni Philip, hindi pala tulog.

Kalmado lang siya at walang reaksyon.

“Para kapag papatayin niya sila… hindi na nila maramdaman ’yung sakit.”

Hindi ako mapakali buong magdamag. Kahit anong pilit kong sabihin sa sarili ko na laruan lang ’yun, na imahinasyon lang ni Philip, hindi na natanggal ang bigat ng nakita ko. Parang may binubuksang pinto sa utak ko. At natatakot akong tingnan kung ano ang nasa likod.

Kinabukasan, gabi na ulit. Habang naliligo si Philip, nagpasya akong balikan ang aparador. Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa, pero kailangan kong makita. Kailangan kong maintindihan.

Binuksan ko ang aparador. Mas malakas ang amoy ng lumang kahoy ngayon, halong alikabok at parang… kalawang. Habang inaayos ko ang nakasabit na damit, may napansin akong nakausli sa ilalim. Isang lumang folder, kulay dilaw, makapal, at may mantsa ng parang matagal ng tuyong dugo.

Parang may tumulak sa akin tungo dito. Kinuha ko.

Pagbukas ko… pumintig ang sikmura ko.

Mga dokumento ang laman. Mga medical report. Lahat tungkol kay Philip.

Severe Conduct Disorder.

Extreme Lack of Empathy.

Violence Toward Animals.

At sa pinakababa, naka-encircle at may underline pa.

“Possible emerging psychopathy. Requires constant monitoring.”

Kasunod ay mga larawan. Doon ako napahawak sa bibig ko. Mga hayop ang laman. Pusa na may hiwang tiyan at nakalantad ang bituka. May ibon na tinanggalan ng mga pakpak. Aso na nakahandusay, hinugutan ng isang mata, parang pinahirapan muna bago pinatay.

Lahat may petsa. Lahat nangyari bago pa ako dumating. At sa bawat sandaling tumitingin ako sa mga mata ng mga hayop na iyon, pakiramdam ko, may sumusulyap sa akin mula sa likod ng bawat imahe. Isang malamig at tahimik na babala na hindi ko pa kayang unawain.

Halos mabingi ako sa lakas ng kabog ng dibdib ko.

Sa ilalim ng folder, isang sulat… galing sa dating yaya.

Nanginginig ang sulat-kamay, “Huwag kang matakot sa aparador. Hindi siya ang delikado. Delikado ang nasa labas. Huwag mong iwanang mag-isa si Philip.”

Parang bumuka ang sahig sa ilalim ko.

Hindi halimaw ang nasa aparador.

Kinukulong nila si Philip roon.

Hindi para takutin siya.

Hindi dahil may halimaw.

Kundi para mapigilan siya.

At ngayon…

Malaya siya.

At ako lang ang kasama niya buong gabi.

Nanginginig akong lumabas at sinubukang tawagan ang mga magulang niya. Puro ring lang pero walang sumagot.

“Please… sagutin niyo naman…” bulong ko habang nanginginig.

At saka… pumitik ang ilaw. Isang kisap, tapos isa pa, parang nag-aatubiling mamatay.

Hanggang sa tuluyang nilamon ng dilim ang paligid, maliban sa mahina at nag-aagaw-buhay na liwanag mula sa bintana.

Doon ko lang naramdaman na hindi ako mag-isa.

May malamig na hiningang dumampi sa batok ko.

Paglingon ko… si Philip, nakatayo nang dikit na dikit sa likuran ko, hindi ko man lang narinig na lumapit.

“P-Philip? Bakit patay ang ilaw? Nasaan ang-”

Humawak siya sa laylayan ng damit ko nang mabagal. Sinalubong ko ang tingin niya.

“Ate Mara…” bulong niya, halos parang nagkukuwento lang ng sikreto. “May halimaw sa loob ng aparador.”

Napigil ang tibok ng puso ko, sandaling tumigil ang mundo.

“Ngayon na nakalabas na siya…” inangat niya ang kanyang kamay. May hawak na kutsilyo, kumikislap sa manipis na liwanag. “Papatayin ka niya.”

“Philip, ibaba mo ’yan-!” Pero hindi ko na natapos.

Isang mabilis na saksak. Damang-dama ko ang talim pumasok sa tiyan ko. Sumirit ang init at dugo, halos hindi na ako makahinga. Napaatras ako, bumagsak sa sahig. Nahilo ako, umiikot ang mundo, pero malinaw ko pa ring naririnig ang yapak ni Philip. Mabagal, pantay, parang sinusukat bawat hakbang. Parang naglalaro siya.

Lumuhod siya sa tabi ko, tinitingnan ang sugat, walang awa.

“Tao ako,” bulong niya. “Pero ’yung tao…” dinilaan niya ang dugo sa daliri niya, mabagal, at sinasadya “…kayang gumawa ng mas masakit.”

Pinilit kong huwag mawalan ng ulirat. Nakita ko siyang naglalaro ulit ng kutsilyo, kaya sinamantala ko ang sandali. Tumakbo ako palabas ng kwarto, umiikot ang paningin ko.

Pagdating sa sala, hindi pa rin ako makahinga. Nagkubli ako sa likod ng sofa, pinipigil ang hikbi.

Ngunit ilang segundo lang, narinig ko ang marahang yabag ni Philip.

Hindi nagmamadali, parang batang may laro.

Mula sa dilim, lumitaw siya. Duguan ang mga kamay, ngiti niya… parang tingin niya laruan lang ako.

“Ate Mara…” bulong niya. “Hindi pa tayo tapos.”

Umatras ako, pero naipit ako pabalik ng hallway… pabalik sa kwarto niya. Hinablot niya ang damit ko, hinila ako, at pilit na kinakaladkad.

“Dito nila ako kinulong dati,” sabi niya, malamig ang bawat salita habang nakaturo sa aparador. “Ngayon… ikaw naman. Para alam mo ang pakiramdam.”

Sinubukan kong lumaban. Sinipa, kumawala, nanginginig, halos mawalan ng lakas.

Mas malakas siya kaysa sa itsura niya. Itinulak niya ako papasok sa makitid at mabahong aparador. Lumalanghap ako ng alikabok, lumang kahoy, at amoy ng sarili kong dugo habang sinisiksik niya ako sa loob.

May kaluskos sa taas—may nahuhulog na matutulis na bagay. Palakol? Ice pick? Pako? Hindi ko alam, at ayokong malaman.

Narinig ko ang boses ni Philip, malamig na parang walang tao.

“Nahirapan kapag madilim, ’no? Hindi mo alam kung alin ang tatama sa’yo.”

Dahan-dahan ang hakbang niya.

“’Yung palakol… maingay. Ayaw ko muna. ’Yung martilyo… mabagal. Pero pako? Baka kaya kong dukutin ang mata mo gamit ’yon.”

Nanlalamig ang dibdib ko.

Naramdaman ko ang cellphone sa bulsa. Nagawa kong pindutin ang voice recorder, habang unti-unti niyang sinasara ang pinto.

“Huwag kayong maniwala… hindi halimaw ang nasa aparador… ang halimaw… siya…”

Nalaglag ang phone. Nasa pagitan pa ng liwanag at dilim ang pinto nang lumapit si Philip, halos nakadikit ang labi sa tenga ko.

“Ate Mara… nakapili na ako.”


Nadatnan nila si Philip sa kwarto, nakaupo sa sahig, duguan ang mga kamay. Sarado ang aparador, at mula roon, umaagos ang pulang likido

na dahan-dahang bumabaha sa sahig.

“Anak,” mahinang sabi ni Ma’am Lira, tila sanay na. “Tapos na?”

Tumango si Philip. “Ayaw pumasok, Ma. Tinulungan ko.”

Sinilip ng ama ang loob ng aparador at bahagyang natawa. “Mas malinis ngayon.”

“Mas madali kaysa kay Yaya Alma,” bulong ni Philip. “Hindi na rin masyadong sumigaw si Ate Mara.”

Hinaplos siya ng ina. “Kaya nga kumuha kami ng bago. Mas gusto mo ang tao, ’di ba?”

Habang tinatakpan nila ng kumot ang katawan, pinulot ni Ma’am Lira ang duguang kutsilyo, pinunasan, at ibinalik sa kahon.

“Magpapatawag kami ulit,” sabi ng ama. “Marami namang naghahanap ng trabaho.”

Ngumiti si Philip. “Ma… next time, mas matapang sana.”

Tumango ang ina. “Para sa’yo, anak… hahanap kami.”

At nagsimula na naman ang paghahanap nila ng bagong babysitter.

WELCOME HOME, MALENA

Hindi ko alam kung anong puwersa ang nagtulak sa akin pabalik sa lumang bahay namin. Pagbaba ko pa lang ng tricycle, sinalubong ako ng mabigat na katahimikan, parang matagal nang walang naninirahan dito. Ilang taon na rin akong hindi nakabalik, pero hindi ko inasahang ganito na pala kalungkot ang itsura ng aming tahanan.

Paglingon ko sa harap, halos hindi ko makilala ang dati naming bahay. Basag ang mga bintana, nakabitin ang ilang piraso ng kurtinang tinangay ng hangin. Ang pintura sa dingding, nagkakaliskis at nagtutuklap na. Makapal ang malalagong damo at baging na kumakapit sa kawayang bakod. Parang walang nag-asikaso. Sarado ang nilulumot na pinto. Wala ring ilaw. Walang kahit anino ng pamilya ko.

Ngunit sa kabila ng lahat, may isang bagay na malinaw sa isip ko.

“Dito pa rin ako nakatira.”

Dahan-dahan akong lumapit sa pinto, dala ang lumang susi na may gasgas sa gilid. Subalit nang isuksok ko ito sa seradura, dumulas lang. Hindi ito kumagat, kahit ang mismong pinto ay lumang-luma at hindi pa napapalitan. Paulit-ulit kong sinubukan, ngunit parang may puwersang humahadlang.

Isang malamig na simoy ang dumampi sa batok ko. Tag-init sana ngayon, pero ang hangin sa paligid ay parang kulob na may halimuyak ng alikabok at lumang sahig. Huminga ako nang malalim, subalit tumigil ako nang marinig ang mahinang kaluskos mula sa loob. Hindi ito daga, at hindi rin hangin. Parang hakbang na sinasadyang itago. Tumigil ako sa paghinga, nanigas ang batok ko sa takot.

Bumulong ang isang tinig sa tabi ng tenga ko.

“Malena…”

Napalingon ako. Walang tao sa kalsada. Parang matagal nang walang dumaraan doon.

Sa kabutihang-palad, hindi naka-lock ang pinto. Pumasok ako, agad naramdaman ang bigat ng alikabok at lamig. Para bang may kakaibang liwanag sa loob ng bahay. Hindi matingkad, pero sapat para maramdaman kong may nandiyan. Tumingala ako, sinubukang hanapin kung may bukas na ilaw sa kisame, ngunit puro basag na bombilya lang ang natanaw ko. Wala namang kuryente, kaya walang dapat ilaw.

Sa sahig, makapal ang dumi, at bawat larawan sa dingding ay natatabunan ng sapot. Para akong humakbang sa isang bahay na hindi ko kilala, kahit kabisado ko ang bawat sulok mula pagkabata.

Kahit ganoon, inuusal ko sa sarili ko, “Dito pa rin ako nakatira. Dumami lang siguro lahat ng kalat habang wala ako.”

Lumakad ako sa hallway. Dumidikit ang sapatos ko sa malagkit na sahig, at bawat hakbang ay may kasamang crack ng natutuyong kahoy. Napahinto ako nang may sumagi sa isip ko. Isang malabong alaala. Ako… nagmamadali, umiiyak, nakakapit sa pinto, gahol na gahol sa oras. Hindi ko maalala kung bakit.

Biglang may sumunod na tunog. Mga pinto na sumasara, mga yabag na mabilis. Isang lalaking boses, mababa at malamig, ngunit hindi ko matukoy kung kanino. Ang tanging nakikita ko ay ang pakiramdam ng presensya na dumudurog sa dibdib ko.

Humakbang ako papunta sa sala, ngunit bago pa ako makalapit, sumara nang malakas ang pinto sa likod ko. Tumigil ako, nanginginig, hindi makaalis. Marahil ay dahil sa sobrang takot, o baka dahil mas nakakatakot isipin na tumakbo… baka may sumusunod sa akin.

Sa gitna ng sala, nakita ko ang lumang laruan ng pamangkin kong si Dario. Isang maliit na pulang kotse. Dati’y mabilis itong gumugulong kapag tinutulak, pero ngayon, dahan-dahan itong gumulong mag-isa mula sa paanan ng sofa hanggang sa dulo ng sala. Walang hangin. Walang ibang gumalaw.

Nanlamig ang batok ko. Para bang may humihinga malapit sa balat ko. At saka… isang anino. Dumaan sa pader, mabilis, parang tao pero hindi kumikilos nang tama, parang usok lang sa hangin.

“May tao ba rito?” bulong ko, kahit hindi ko alam kung gusto ko talagang malaman ang sagot.

Walang sagot mula sa sala o itaas. Ang tugon ay nagmula sa ilalim… mula sa basement.

Isang paanas, mahaba, may dalang kilabot na parang humihila sa kaluluwa ko. “Malena… bumaba ka…”

Hindi ko na kinaya. Sapat na ang mga nakikita’t naririnig ko. Tumakbo ako papunta sa pinto, kahit nanginginig ang kamay ko. Gusto ko lang lumabas, kahit saglit para makahinga, para makalayo sa kung anumang presensyang gumagalaw sa bawat sulok ng bahay.

Pero paghawak ko sa doorknob…

Sumara ang pinto na parang may malakas na humila mula sa kabilang panig. Napasigaw ako sa gulat, napaatras, halos madapa. Sinubukan kong buksan muli, pilit na iniikot ang knob, pero hindi na kumikilos. Ni hindi man lang gumalaw. Para itong bakal na nakabaon sa simento.

Mabilis kong tinungo ang bintana, sumisilip sa labas, umaasang may makakita sa akin. Sakto, may dumaan na kapitbahay… si Mang Rudy, dating kaibigan ni Papa.

“Mang Rudy!” sigaw ko habang kumakaway. “Mang Rudy, tulungan niyo po ako! Nandito ako sa loob-!”

Pero hindi siya tumingin. Dumaan lang siya nang diretso.

Kumalembang sa loob ko ang takot na hindi ko maipaliwanag.

At doon nagsimulang maramdaman ko ang kakaibang amoy. Unang mahina, pagkatapos ay lumakas. Hindi amoy basura o kalat. Amoy bulok. Amoy karne na matagal nang nakatiwangwang.

Nanginig ang sikmura ko. Mula sa sahig, may lumalabas na maliliit na langaw, umaakyat sa paa ko, umiikot at nagpupumilit na lumipad. Kasabay noon, lumamig ang paligid. Ang hangin na dati ay parang kulob, ngayo’y parang halimuyak ng basa, at naagnas na bangkay.

At saka ko narinig ang maraming yabag. Sunod-sunod at mabibigat, parang mga paa ng mga taong naglalakad sa paligid ko… mga matatanda, bata, babae, lalaki. Mga yabag na pamilyar sa pandinig.

Pamilyar… na parang dati ko nang narinig sa bahay na ito.

Lumalakas pa ang mga yabag. Hindi na sila galing sa sahig lang… nagmumula sila sa dingding, sa kisame, sa mismong paligid ko. Hindi ko malaman kung saan tututok ang tingin ko. Parang may naglalakad sa loob ng pader, tumatakbo, nagmamadali. Hindi ko maipaliwanag, pero ramdam ko. Hindi lang iisang presensya ang gising ngayon.

“Malena…” muling tawag. Mas malapit at malinaw ngayon.

Napaatras ako, hanggang sa sumandal ako sa lumang kabinet. Mula sa loob nito, may ungol at nakakangilong kaluskos. Para itong mga kuko na kumakaskas sa kahoy, parang gustong makalabas.

“Hindi… hindi…” hindi ko alam kung kanino ako nakikiusap.

Sa sahig, may bahagyang liwanag na pumipintig mula sa ilalim ng basement door. Parang ilaw ng kandila, pero kumikislap, parang nabubuhay. Habang pumipintig ang liwanag, mas lumalakas ang amoy na bulok, parang may nakabaon sa ilalim ng bahay na ilang taon nang nabuburo.

Hindi ko na dapat lapitan iyon. Ngunit habang pabalik-balik ang bawat yabag, habang lumalapit ang tinig na tinatawag ang pangalang matagal ko nang hindi naririnig, para bang may humihila sa akin pababa.

Huminga ako nang malalim. Hindi ko man alam kung bakit, pero alam kong kailangan kong bumaba.

Hawak ang mabigat na doorknob, dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Umalingasaw agad ang mas matapang na amoy, parang sampung taong bulok na bangkay. Napaluha ako at napaatras. Ngunit sa loob, may kumurap na liwanag.

Isang kandila.

Isang kandilang hindi ko alam kung sino ang naglagay.

Sa tabi nito, isang lumang litrato. Nakapatong lang sa sahig. Napalunok ako, lumapit nang dahan-dahan. Kinuha ko ito. Ang larawan…

Ako.

Ako, nakaupo sa sala, nakangiti, hawak ang isang basag na salamin. Ngunit ang nakakatakot… ang background ng larawan ay eksaktong eksaktong hitsura ng sala ngayon. Basag ang bintana. May pulang kotse sa sahig. Parehong-pareho talaga. As if hindi iyon lumang larawan, kundi ngayon mismo kinunan.

“Hindi tama ’to…” nanginginig kong bulong.

Sa likod ng litrato, may sulat.

WELCOME HOME, MALENA.

Napatigil ako. Parang huminto ang mundo. At saka ko narinig ulit.

Isang boses. Hindi galit, hindi rin pabulong, kundi malungkot at pagod.

“Umuwi ka na.”

Nang lumingon ako… may nakatayo sa dulo ng hagdan.

Isang babaeng naka-puting daster, nakalaylay ang buhok, naka-yuko, parang walang buto ang gulugod. Mabagal ang hinga niya, at tuwing iangat niya ang ulo nang kaunti, nakikita ko ang pagsayad ng buhok niya sa sahig.

“Mama…?” mahina kong bulong, kahit hindi ako sigurado.

Dahan-dahan niyang inangat ang ulo. Hindi mata ang una kong nakita, kundi ang madilim na bilog sa pisngi. Para itong butas. Malalim na may kalawang na kulay sa paligid. At saka ko napagtanto na butas pala iyon ng bala.

At doon bumalik sa akin ang alaala.

Sinigaw ng babae sa hagdan, “UMALIS KA! TUMAKBO KA NA, MALENA!”

Ako iyon… tumatakbo, umiiyak, humahawak sa pinto… si Mama, lumuluhang hinaharang ang pumasok. May sigaw ng lalaking galit. May tunog ng baril.

At pagkatapos… dilim.

Nalaglag ang larawan sa sahig sa lakas ng paghigpit ng dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit ko nakalimutan. Ang buong pangyayari. Ang gabing iyon. Ang gabing tinangka kaming patayin ng taong hindi ko makita ang mukha.

Tumakbo ako pataas ng hagdan. Hindi ko alam kung saan. Basta paalis sa basement. Paalis sa amoy at sa alaala.

Ngunit pagdating ko sa itaas, hindi na iyon ang bahay namin.

Ang hallway ay mas mahaba… mas madilim at mas sira. Ang mga pinto ay bahagyang nakabukas, at mula sa bawat kwarto, may mga matang nakasilip… mga matang puti, walang iris, parang mga laruan na nabuhay.

“Hindi… Hindi totoo…”

Isang kwarto ang bumukas nang malakas. Sa loob, may kuna. At sa kuna, may kumikilos. Maliit, payat, at maputla. Isang batang umiiyak.

Si Dario.

“Hindi pwede… hindi pwede-”

Lumapit ako, nanginginig ang kamay, pero bago ko pa maabot, dumungaw ang isang anino mula sa kisame. Parang tao, pero nakabaligtad, gumagapang pababa na parang gagamba. Wala itong mukha. Wala rin itong ulo. Nakataas ang leeg pero walang nakadikit.

At mula sa leeg na iyon… may bumulwak na itim na likido. Tumulo sa kuna… sa sahig. Kumalat sa paa ko.

Bumulong ang anino sa tinig na pamilyar.

“Sa wakas, umuwi ka rin, Malena…”

At doon ko naramdaman. Hindi sila naninira. Hindi sila nananakot.

Hinahatak nila ako pabalik.

“Umuwi ka na, Malena…”

Tumakbo ako. Hindi ko na alam kung saan. Tumalon ako pababa ng hagdan, halos madapa sa bilis. Tumakbo ako sa sala, sinubukang buksan ang pinto nang pilit.

Hindi gumagalaw.

At doon ko nakita ang repleksiyon ko sa basag na salamin sa tabi ng aparador.

Puti ang mukha ko. Sunog ang damit. At sa gitna ng noo ko… isang maliit, bilog na sugat.

Butas.

Galing sa bala.

Hinawakan ko ang noo ko. Basa at malamig. At sa sahig… doon nagsimulang tumulo ang dugo.

“Hindi…” umiiyak kong sabi. “Patay na ako…?”

May umakbay sa akin. Malamig ang kamay. Marahan, para akong bata na sinusundo sa labas ng eskwela.

Paglingon ko… si Mama. Ngumiti siya, pero mahina, patay-sindi ang anyo niya. Parang usok.

“Halika na,” mahina niyang sabi. “Matagal ka naming hinihintay.”

Nang muli kong tiningnan ang pinto, doon ko lang napansin.

Hindi ito nakasarado. Bukas ito. Bukas na bukas.

At ang nasa labas…

Hindi ang kalsada. Hindi ang araw. Hindi ang totoong mundo.

Kundi isang mahabang hallway. Puno ng pintong luma. Puno ng mga aninong naghihintay. Puno ng mga taong di ko kilala pero nakatitig sa akin, parang matagal na nila akong hinihintay dumating.

At sa likod ko, narinig ko ang sabay-sabay na tinig ng buong bahay na humihinga ng iisang salita.

“WELCOME HOME, MALENA.”

At sa unang pagkakataon… naiintindihan ko kung bakit ako bumalik.

Hindi ako nagbalik para umalis ulit.

Nagbalik ako para sumama sa kanila. Kung saan ako… matagal nang kabilang.

At doon nagsara ang pinto.

DOBLE

Hindi ko alam kung pang-ilang gabi na ba itong ganito. Basta ang alam ko, pagod na pagod na ako. Halos magkandatulo na ang pawis ko kakahabol sa labada, sa pamamalengke, sa mga assignment ni Akiro… pero heto kami ulit, nakahiga sa kama niya habang nakadikit ang maliit niyang kamay sa braso ko, parang may hahabol sa kanya kung kumalas ako.

“Ma… ayoko matulog mag-isa,” mahinang sabi ng anak ko, nanginginig ang labi. “Ma… may bumubulong ng pangalan ko. Doon sa ilalim ng kama!”

Napapikit ako nang mariin. Narinig ko na ’to kagabi, at noong isang gabi pa. Kahit anong paliwanag ko, hindi pa rin siya naniniwala na imagination lang niya ’yon.

Si Raul, ang asawa ko, mas practical. “Natural lang sa bata ’yan,” sabi niya kanina habang nag-aayos ng gamit niya para sa panggabing shift. “Huwag mo nang palakihin.”

Pero habang tinitingnan ko si Akiro, ramdam kong hindi lang ito simpleng takot. Nakatirik ang mga mata niya sa gilid ng kama, para bang talagang naroon ang isang bagay na hindi ko nakikita.

Huminga ako nang malalim at pilit na ngumiti. “Anak, walang bumubulong. Wala naman eh. Tignan mo, safe dito. Ang bango pa ng kwarto mo.” Kakatapos ko lang mag-spray ng baby powder scent na gusto niya. Malambot ang night light sa kwarto, kulay dilaw, parang maliit na buwan sa mesa. Para sa akin, safe, tahimik, payapang kwarto ito.

Pero bakit gano’n?

Ang sahig… malamig. Mas malamig kaysa sa nakasanayan ko.

Pinilit kong iwaksi ang kaba at hinilot ang likod ni Akiro. Naririnig ko pa ang tikatik ng electric fan, ang paghinga namin, at ang mahinang kaluskos ng kumot. Niyakap ko siya nang mahigpit. “Sleep ka na, anak. Hindi kita iiwan dito. Promise.”

Akala ko tapos na.

Ngunit nang pumikit ako at halos makatulog na, may narinig akong mahina… parang hangin na dumadaan sa siwang ng pintuan.

“Akiro…”

Nanigas ang batok ko. Parang boses ng tao, basag at pilit na nagsasalita, mula sa ilalim namin.

Binuksan ko ang mata ko, pero hindi ako gumalaw. Hindi ko sinabi kay Akiro. Sinita ko ang sarili ko.

“Pagod ka lang, Libeth. Wag mong isipin!”

Pero ramdam ko, parang may ibang kasama kami sa kwarto.

Simula noon, tila may nabago kay Akiro. Hindi lang basta takot, para siyang may inaabangan na hindi niya gustong makita. Kahit tanghali, ayaw na niyang lumapit sa kama. Kapag oras ng siesta, hinahatak ko siya sa kwarto niya, pero kakapit siya sa pinto na parang may kuryente ang kama niya.

“Ma, dito na lang ako sa sofa… please… please…”

Hindi siya nagri-react nang ganito dati. Para bang may halimaw sa ilalim ng mattress.

Sa mesa niya, napansin ko ang mga drawings. Dati puro bahay, araw, at stickman. Ngayon? Dalawang Akiro. Yung isa normal, nakangiti. Yung isa… ibang-iba. Payat, halos nakasabit lang sa katawan ang balat. Madilim ang mukha, puro shading, may mga kuko sa kamay na parang sa diyablo.

“Anak… ano ’to?” tanong ko, nanginginig ang sikmura.

Umiling lang siya, umiiyak. “Ma, siya ’yun… yung nasa ilalim… ginagaya niya ’ko…”

Napikon ako. Hindi galit, kundi takot na hindi ko alam paano i-handle. “Tama na, Akiro. Hindi totoo ’yan. Hindi-”

Bago ko matapos, may sumipol na hangin mula sa sahig. Nakabukas ng kaunti ang bedsheet. Parang may gumapang mula sa ilalim, paangat.

Kinagat ko ang labi ko para hindi mapasigaw.

“Guni-guni mo lang ’yun, Libeth!”

Gabi-gabi, lumalakas ang bulong. Hindi ko sinasabi kay Raul, pero ramdam ko. Hindi na ito imagination. Hindi ito simpleng stress lang.

Isang gabi, sa kwarto kami ni Akiro natulog. Naglatag kami ng foam at bedsheet sa sahig. Halos madaling araw na, nagising ako sa tunog na parang mabilis na kaluskos. Hindi normal. Hindi parang daga. Parang kamay. O paa. O isang katawan na gumagapang.

Pagmulat ko, una kong napansin ang saya ng kurtina, gumagalaw kahit walang hangin. Pero mas sumabog ang utak ko sa takot nang makita ko ang kumot ni Akiro.

Gumagalaw!

Isa. Dalawa. Parang hinihila papasok sa madilim na ilalim ng kama.

“Diyos ko…” bulong ko.

Nakahilata si Akiro sa ibabaw ng kama niya, tulog nang malalim, parang walang kamalay-malay. Pero ang mattress niya… unti-unting umaangat, bumababa, umaangat, parang may taong nakadikit sa ilalim at pilit na umaahon.

Tiningnan ko si Raul, tulog pa rin. Ako na naman. Ako na lang.

Biglang may boses. Hindi na bulong. Hindi na mahina. Takot, parang batang gutom sa hangin.

“Ma… Ma… tulungan mo ’ko… please…”

Nanggagaling… walang duda, mula sa ilalim ng kama.

Parang piniga ang puso ko. Tumayo ako pero nanghina ang tuhod ko, muntik na akong madapa. Nalaglag ang cellphone ko sa sahig, tumunog nang malakas.

Hindi ako makasigaw. Hindi ako makagalaw.

Ang utak ko sumisigaw, “Takbo, Libeth!”, pero ang katawan ko? Nakatayo lang. Nanginginig at nakatingin sa kama ng anak ko na may kung anong nilalang na pilit lumalabas.

Hindi ko alam paano nagising si Raul, siguro dahil sa laglag ng cellphone ko o lakas ng pag-uga ng kama ni Akiro, pero bigla siyang bumangon, hinahabol ang hininga, parang may naalalang bangungot.

“Libeth… ano ’yan?!” sigaw-bulong niya, nanginginig.

Hindi na ako nakakibo. Tinuturo ko lang ang kama, ang ilalim, ang gumagalaw na espasyo.

Dahan-dahan siyang lumuhod, halatang ayaw niya pero pinipilit maging matapang. Namumuti ang mukha niya sa kaba, nanginginig ang mga daliri habang inaangat nang kaunti ang kumot.

“Hon… ’wag,” halos pabulong kong sabi, mahina, parang hindi lumalabas ang boses ko.

Pero huli na. Sumilip na siya.

Ako naman, hawak ang maliit naming flashlight. Malamig ang kamay ko, parang yelo.

“L-Libeth…” bulong niya. “’Wag kang lalapit. May… may kamay sa ilalim!”

Hindi ko alam paano naitapat ang liwanag sa ilalim ng kama, pero nang magawa ko, doon ako tuluyang hindi nakahinga.

Doon ko napatunayan… hindi ako baliw. May iba kaming kasama sa kwarto!

Kasi sa liwanag… may bata. May Akiro!

Pero hindi ’yung Akiro na lagi kong yakap tuwing gabi, hindi ’yung anak ko na nasa ibabaw ng kama ngayon.

Ito… payat. Halos buto’t balat na lang. Ang mga braso niya puro pasa, mapupula, mamalamlam, parang piniga ng husto. Ang mukha niya, nahulog ang bangs sa noo, nanginginig, nangingilid ang luha.

At ang pinakamasakit, takot na takot siya habang mahigpit na nakahawak sa frame ng kama. Parang ilang araw na siyang hindi lumalabas. Ilang beses na siyang sumubok… ngunit palaging nabibigo.

“Ma… Ma…” humikbi siya, nanginginig. “Ma, please… siya yung nasa taas… hindi ako ’yun…”

Para akong tinamaan ng kuryente. Napaatras ako nang hindi ko namamalayan. Nabitawan ko ang flashlight, gumulong sa sahig, ngunit naiwan ang liwanag na nakatutok sa kanya.

Umiiyak siya. Hindi ’to gawa-gawa lang ng utak ko. Hindi siya multo. Anak ko siya.

Pero… sino ang natutulog sa kama? Sino ang kasama namin gabi-gabi?

Si Raul naman, halos hindi makahinga, nakatuon ang tingin sa payat na Akiro sa ilalim ng kama. “L-Libeth… hindi puwede ’to… hindi totoo ’to…” bulong niya, pero alam naming pareho na huli na para sa kahit anong pagdududa.

Hinila ko ang sarili ko palapit, kahit nanginginig ang tuhod ko. Pero bago ko pa maabot ang kamay ng totoong Akiro… bumagal ang hangin. Parang huminto ang buong kwarto.

Paglingon ko… nandoon siya.

Si Akiro.

O ang doble niya.

Nakatayo sa ibabaw ng kama, hindi na tulog, hindi na parang bata. Tahimik siyang nakatitig sa akin, hindi kumukurap, hindi humihinga. Ang bata kong kilala, ’yung anak kong malambot ang ngiti at mabagal magsalita wala na roon.

Kasabay noon, ngumiti siya. Dahan-dahan, umaabot hanggang pisngi ang pagbuka ng bibig niya. Parang punit. Parang hindi gawa sa laman ang mga gilid. Lumitaw ang mahahabang ngipin, matutulis, masyadong marami, hindi pantay, hindi ng tao.

At doon nagsimula.

Umugong ang sahig. Hindi normal na ugong. Parang galing sa ilalim ng lupa, mabigat, galit, at gutom.

Pumaling ako at nakita ko… bumubuka ang semento. Yung semento ng sahig mismo, napunit na parang papel, dahan-dahang bumubuo ng itim na butas. May lumabas na malamig na hangin mula rito. Amoy lupa, amoy bulok, at amoy basang libingan.

“MA!” sigaw ng payat na Akiro habang hinihigop siya papalapit sa bitak. “MA, AYOKO PA! MA, AYOKO… AYOKO-!”

Sumubok akong lumakad, pero parang may malamig na kamay na humawak sa hita ko. Hindi ako nakagalaw. Hindi ako makasigaw.

Tumingin ang “Akiro” sa akin, nakangiti pa rin.

“Huwag mo siyang kunin, Ma,” sabi niya. “Hindi na siya sa inyo.”

At bago ako makasigaw, may lumabas na itim na mga braso mula sa sahig. Mahahaba ang daliri. Sobrang dami nila. Parang sampung kamay na sabay-sabay. Tapos…

Pareho silang nahila. Una, ang payat na Akiro.

Sinigawan ko siya, tinawag ko, pero sabay-sabay siyang hinila pababa.

“MAA-MA! MAAA!”

Pangalawa, ang “Akiro.” Hindi siya tumakbo. Hindi siya lumaban. Ngumiti lang siya, nakatitig sa akin.

“Ma,” sabi niya, “sa wakas.”

At saka siya biglang sinunggaban ng parehong maiitim na kamay mula sa sahig. Parang walang bigat, parang wala siyang buto. Itinapon siya pababa, diretsong sa bunganga ng sahig.

Naghalo ang dalawang boses… sigaw ng bata, halakhak ng hindi-bata, sabay silang nilamon ng dilim.

“MAAAA!” “Hahaha- aaaah-!”

Tapos… sumara ang sahig. Parang walang nangyari.

Namatay ang ilaw. Madilim. Nakakabingi ang katahimikan.

Kami ni Raul, hindi makagalaw.

Tapos biglang may yumakap sa akin.

Maliit na kamay.

Mainit.

Normal.

“Ma?”

Nagbukas ang ilaw. At naroon siya. Si Akiro. O ang anyo niya.

Nakatayo, hawak ang lumang stuffed toy, umiiyak, nanginginig. Mukhang kakalabas lang sa ilalim ng kama. Mukhang naghahanap ng yakap.

Pero hindi ko maigalaw ang katawan ko. May isang bagay na mali. Hindi ang mata niya. Hindi ang boses. Hindi ang ngiti.

Ang anino.

Ang anino niya… nakabuka ang bibig sa sahig. Parang may ibang mukha doon. Parang may isa pang Akiro na nanonood mula sa ilalim.

“Ma…” bulong niya. “Ako ’to.”

Hindi ko nasagot. Hindi ko rin nalaman kung alin ang hinila pababa… ang anak ko ba? O ang doppelganger niya?

Mula noon, minsan may naririnig ako sa gabi.

May kumakatok mula sa ilalim ng sahig. At isang pabulong na tinig, parang mula sa kabilang mundo…

“Ma… andito pa ’ko…”

Minsan mula sa ilalim. Minsan mula sa kisame. Minsan mula sa mismong hagdan.

Pero sa umaga, may Akiro sa sala, kumakain, tumatawa. At kahit anong gawin ko… hindi ko malaman kung siya ba talaga ’yun… o siya ba ’yung dapat nananatili sa ilalim ng sahig.

Araw-araw, nadarama ko ang pagbabago. Kahit hawak ko siya sa braso, pakiramdam ko may laging sumusunod. Parang may mata sa ilalim ng kama, sa bintana, sa likod ng pinto.

Kapag natutulog siya, nakikinig ako. Dumarating ang mga kaluskos… maliit, mabilis, hindi hayag, ngunit hindi rin ganap na tunog. Parang may kumikilos, at nagmamasid.

“Ma… Ma…”

Naririnig ko pa rin. Sa gabi, sa hangin, sa dingding, sa sahig. Ang boses niya… o ang tinig ng doble niya… nananatili.

Hindi ko alam kung paano mababalik ang natitirang anak ko sa akin, at paano matitiyak kung sino ang totoong Akiro.

Ngunit natutunan ko na. Kahit anong ilaw ang buksan, kahit anong yakap ang ibigay… may anino pa rin na hindi ko kayang hawakan.

At sa bawat gabi, natututo akong manatiling tahimik, nakapako sa kama, hindi gumagalaw. Pinapanood lang ang lumulubog na katawan ng bata sa ilalim ng sahig.

Ngunit sa bawat umaga, nakikita ko ang Akiro na alam ko, kumakain ng cereal sa kusina, tumatawa, tila walang nangyari.

Parang wala na ring nakakaalam.

Hanggang sa dumating ang gabi na muling maririnig ko ang bulong…

“Ma… andito pa ’ko…”

At sa ilalim ng sahig, sa bawat sulok ng bahay, nakatitig ang dalawang Akiro sa akin. Isa sa ibabaw ng kama, isa sa ilalim.

Alin ang tunay? Alin ang dapat manatili?

Hindi ko alam.

At marahil, hindi ko na malalaman kailanman.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.