loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
π–πšπ―πž 𝐨𝐟 𝐖𝐨𝐫𝐝𝐬 𝐛𝐲 𝐊𝐚π₯π₯𝐒

π–πšπ―πž 𝐨𝐟 𝐖𝐨𝐫𝐝𝐬 𝐛𝐲 𝐊𝐚π₯π₯𝐒

calypzoalcazar Β· 2 chapters Β· 5,420 words

Ulap by Kalli

Ulap ni Calypzo Alcazar (7/4/22)

Isang maaliwalas, mainit at maulap na araw ang sumalubong sa akin nang buksan ko ang aking bintana dito sa aking kwarto. Hindi ko maiwasang mapangiti at mag inat-inat habang humihikab pa. Papasok na naman. Minsan gusto ko na lang matulog buong maghapon dahil sa hindi ko malamang dahilan. 

β€œDominic!” Mabilis akong napatingin sa pintuan nang marinig ang sigaw mula sa labas.

β€œDominic! Tumayo ka na!” Muli pang sigaw na kinatawa ko nang mahina.

β€œOpo! Nakatayo na po, ma!” Balik kong sigaw kay mama at mabilis na naglakad papunta sa pintuan bago mabilis na lumabas.

Agad akong naglakad papunta sa dining room kung saan ko nakita ang aking ina na busy sa pagluluto at ang aking ama na nakaupo sa tapat ng mesa habang nagbabasa ng dyaryo at nagkakape.

β€œMa, pa, good morning po.” Bati ko sa kanila habang nakangiti bago umupo sa upuan.

Tinignan naman ako ng aking papa at ngumiti rin. Binitawan niya ang dyaryo na hawak at umayos ng upo.

β€œLaki na ng katawan mo. Ano? Masaya maging pulis ’di ba?” Turan niya sabay tawa at ngiti.

Ngumiti naman ako at tumango. β€œOpo. Nag-eenjoy naman po ako pa.” Sagot ko sa kanya. Isa akong third year criminology student. Isang pulis si papa na may mataas na ranggo.

β€œHala! Ang gwapo ng anak natin David! Ang laki-laki ng katawan oh! Maraming mababae ang mababaliw nito sa anak natin!” Masigla pang puri ni mama sa akin pagkatapos ihanda sa harap ko ang aking pagkain.

Tumawa na lang ako nang mahina at ngumiti ng tipid. Hindi na nagsalita pa.

β€œDom, h’wag muna mambababae ha? Magfocus ka sa pag-aaral mo at nang maging pulis ka na rin katulad ko. Kung mambabae ka man, mag-ingat ka. Hindi ka pwedeng makabuntis.” Bilin pa ni papa. Ni hindi ko na malunok ang nginunguya ko dahil sa sinasabi nila.

β€œP-pa naman! Virgin pa kaya ako! Wala pa nga akong ex eh!” Pagtatapat ko sa kanila kahit nahihiya na pagkatapos kong lunukin ang nasa bibig ko.

β€œAysus! Kunwari pa ’tong si Dom natin papa! May nagchachat nga sa akin. Si ano… teka hindi ko matandaan ang pangalan. Titignan ko sa cellphone ko.” Turan niya at mabilis na umalis para pumasok sa kwarto nila at kunin ang cellphone niya. Naiwan kaming dalawa ni papa dito sa dining room.

β€œBasta yung sinasabi ko sayo Dominic. Ayos lang na gumalaw ka ng babae pero mag-condom ka. Kahit ilan pa galawin mo basta h’wag ka lang makakabuntis. Magiging pulis ka pa katulad ko.” Turan ni papa sa akin na ngayon ay may kahinaan na at kami na lang dalawa ang nakakadinig.

Tumango naman ako at ngumiti. Ilang segundo lang, dumating na si mama dala ang cellphone niya. β€œIto oh! Si Louise! Nagchachat sa akin! Ka-schoolmate mo raw siya pero hindi mo siya kilala. Matagal ka na niya daw gusto. Nahihiya pa nga sa akin eh!” Kilig na kilig na kwento ni mama at pinakita kay papa ang binabasa niya sa cellphone.

Nag-iwas na lang ako ng tingin at dahan-dahan sumubo ng pagkain. Ang hirap lunukin ng mga salitang ayaw mong kainin. Ang hirap gawin ng mga bagay na ayaw mong gawin. Ang hirap magpanggap na ayos ka lang kahit hindi naman talaga.

NAGLALAKAD ako palabas sa kanto dahil wala naman dumadaan na jeep o bus sa loob kung nasaan ang bahay namin. Nagmumuni-muni lang ako habang naglalakad. Tinitignan ang mga dumadaan, pinagmamasdan ang mga halaman sa mga bahay-bahay kahit paulit-ulit ko na 'tong ginawa. Halos araw-araw na lang. 

Huminto ako sa tapat ng bakanteng lote na araw-araw ko rin naman hinihintuan sa kadahilanang, dito nagiging payapa ang isip ko.

Tumingin ako sa paligid para masiguradong walang nakatingin bago ako mabilis na nag over-the-bakod papasok sa loob ng bakanteng lote. Bakanteng lote na may mataas na pader, may maliit na bahay na abandumado at madamong lupa.

β€œKumusta?” Nakangiti kong turan habang nakatitig sa abandunadong bahay.

Alam kong mukha akong tanga pero dito ako nakakahinga. Umupo ako sa madamong lupa at inalos ang bag sa balikat ko. Agad kong binuksan at inilabas ang isang bagay na magiging susi ng kapayapaan ng aking kaisipan. Ang kahati ng buhay ko, camera.

β€œKumusta ka?” Nakangiti kong bulong sa camera ko habang sineset up ko siya. Ang tagal kong pinag-ipunan para makabili ako ng camera.

Gusto kong maging isang photographer o kahit man lang direktor. Ang daming ideya sa aking kaisipan na nais kong bigyan ng buhay gamit ang camera. Pero, hindi ko kailanman magagawa. Napilitan akong kumuha ng kursong criminology dahil ’yon ang nais ng aking mama at papa. Gusto ni papa na sumunod ako sa yapak niya dahil nag-iisa lang nila akong anak. Wala akong magawa dahil nang minsan kong sabihin na ayokong maging pulis, nakita ko sa mga mata nila ang panghihinayang, galit at pagkadismaya. ’Yun ang kinakatakot ko. Ang maging panghihinayang at dismaya sa kanila. Kaya sinunod ko na ang sinabi nila.

Hindi rin nila alam na bumili ako ng camera. Nanatili ito sa aking bag kapag papasok ako, at makukulong naman siya sa kahon sa ilalim ng aking higaan kapag walang pasok.

β€œAng ganda mo naman ngayon…” Kung may nakakakita man sa akin kung paano ko kausapin ang camera ko, malamang ipapasok na ako sa mental hospital.

Dahan-dahan akong tumingin sa langit. Ang tanawin na tuluyang nagpapakalma sa magulo, balisa at masalimuot kong utak. Mabilis akong humiga sa damuhan hawak nang mahigpit ang camera. Nagsimula kong kunan ng litrato ang langit na puno ng ulap habang nakangiti.

Hindi ko na mabilang kung ilang litrato ng langit at mga ulap ang meron ako. Kuha man noon at ngayon pero wala akong pakialam. Kahit kailan hindi ako nagsawang humanga sa kanya mula dito sa kalayuan. Langit at mga ulap lang ang nakakakita at nakakaintindi sa isang tulad ko. Minsan hiniling ko na rin na makarating sa piling ng mga ulap. Ang saya at sarap siguro sa pakiramdam.

NAKARATING ako sa school. Muntik pa akong mahuli dahil nawili ako sa pagkuha ng litrato pero naging payapa na din naman ang isip at puso ko. Walang pagsisisi kung sakali man.

Lakad-takbo na ang ginawa ko habang umakyat sa hagdan. Ni hindi pinapansin ng katawan ko ang pagod at hindi man lang ako hinihingal.

Tuloy-tuloy ako sa pag-akyat hanggang sa napilitan akong mapahinto dahil natamaan ko ang isang rin estudyante na naging dahilan para mahulog ang mga hawak niyang gamit.

β€œShit! Sorry!” Agad kong paghingi ng tawag nang hindi man lang siya tinignan at mabilis na lumuhod para pulutin ang mga gamit niya.

β€œAyos lan- Dom?” Napaangat ako ng tingin sa kanya dahil sa pagtawag niya sa pangalan ko.

β€œDominic?” Pag-uulit niya pa.

Parang huminto ang paligid at kusang nagpokus ang aking mga mata sa taong kaharap ko ngayon. Bumilis ang tibok ng aking puso at namawis ako nang malamig.

β€œHoy Dom!” May kalakasang turan niya na naging dahilan para bumalik akong muli sa katinuan.

β€œH-ha?” Sagot ko na lang at mabilis na pinulot ang mga gamit niya isa-isa at mabilis na tumayo.

β€œDominic right?” Nakangiti niyang turan sa akin.

β€œHmm.” Sagot ko habang nakatitig sa kanya. Ang unang taong bumihag ng puso ko, ang taong bumibihag pa rin sa puso ko at ang taong bibihag pa rin sa puso ko habang buhay.

β€œHindi ko na ako kilala?” Tanong niya sa akin.

Mabilis akong napaiwas ng tingin dahil sa halo-halong hiya, kilig at kaba. β€œKilala pa.” Tipid kong sagot sabay abot ng mga gamit niya.

β€œAkala ko hindi mo na ako kilala eh!” Turan niya at kinuha sa akin yung mga gamit niya.

β€œSige na. Late na ako, Lucas. Alis na ako.” Paalam ko agad at mabilis siyang iniwan nang makitang okay na siya.

Abot tenga ang ngiti ko habang tumatakbo paakyat hanggang makarating sa classroom ko. Mabilis akong pumasok nang makitang makitang wala pa naman yung professor at mabilis na umupo sa upuan ko habang nakangiti.

β€œTol? Saan ka galing? Lagi ka na lang namumuntikan ma-late!” Turan ng tropa ko sa akin na hindi ko na kinibo.

Nanatili lang akong nakangiti at nakatitig sa kalawan. Lumilipad ang isip, pinagpapawisan sa kilig at kaba. Ganito lang lagi ang gusto ko maranasan. At balang araw, mararanasan ko rin.

BREAK TIME, dali-dali akong tumakbo paakyat ng rooftop dala ang aking camera. Ito ang tambayan ko kapag break time at lunch. At kagaya ng nagawian, sa pagkuha lang ng litrato ng langit at ulap nauubos ang aking oras. 

Binuksan ko ang pintuan ng rooftop at mabilis na sinara bago maglakad pero napatigil ako sa paglakad nang makita ang isang tao na nakasandal sa may pader malayo sa akin, natitig sa kalangitan.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko, humina ang kapit sa camera dahil sa kaba at pawis ng aking palad. Mabuti na lang nakasabit sa aking leeg ang strap nito.

β€œLucas?” Tawag ko sa kanya habang dahan-dahan na naglalakad.

Dahan-dahan naman siyang tumingin sa akin at agad na ibinigay ang matamis niyang mga ngiti na minsan nang nagpahulog sa akin noon at nagpapahulog pa rin sa akin ngayon at sigurado ako patuloy pa rin akong mahuhulog bukas.

β€œUy Dom! Nandito ka rin?” Bungad niya sa akin at mabilis akong nilapitan.

Lumipad na naman ang utak ko. Walang makitang iba ang aking mga mata kung hindi siya na palapit sa akin habang walang kapaguran ang aking puso sa pagtibok ng mabilis.

β€œUy Dom!” May kalakasan niyang turan dahilan para magising ako sa pananaginip ko ng gising.

β€œAyos ka lang?” Tanong niya.

Mabilis akong nag-iwas ng tingin sa kanya. β€œA-ayos lang.” Tipid kong sagot.

β€œBakit ka nandito?” Tanong niya sa akin.

Tinaas ko ang camera ko at ngumiti. β€œMahilig ka pa rin pala talaga sa pagkuha ng pictures.” Oo naman, lalo na kung ikaw ang kukunan ko.

β€œHmm.” Tipid kong sagot sa kanya.

Sabay kaming naglakad at nang makarating kami sa gitna ng rooftop, nagsimula akong kumuha ng litrato ng mga ulap at langit. Ni hindi iniinda ang init ng araw.

β€œAng ganda ng langit at mga ulap ’no?” Rinig kong turan niya.

Kasing ganda ng mga ngiti mo, Lucas.

NAKATITIG ako sa aking kisame at anong oras na pero hindi pa rin ako makatulog. Pilit kumakatok at pumapasok sa aking isipan si Lucas. Hindi ko inaakalang makikita ko siya ulit. 

Nakilala ko si Lucas noong first year ako. Sa parehong eskwelahan din. Education student si Lucas at pangarap maging secondary school teacher. Una ko siyang nakita sa isang feeding program na inorganisa ng school. Bilang isang volunteer katulad ko.

Unang kita ko pa lang sa kanya, binihag na niya agad ang puso ko. Simula noon, lahat ng programang sasalihan niya, sasalihan ko para makasama ko lang siya, matitigan o makuhanan nang palihim. Hindi ko inakalang magiging magkaibigan kami noon. Lagi kami magkasama, sa mga programa, sa pagvovolunteer at doon na ako lalo nahulog sa kanya.

Pero sa pangalawa namin taon, lumipat si Lucas. Hindi man lang sinabi ang dahilan sa akin. Naaalala ko pa yung mga ngiti niya, tawa niya at saya niya kapag kasama niya ako. Doon ako tuluyang nahulog. Sa ngiti niya, sa pagkatao niya. Noong umalis siya, hindi ko ma hinabol dahil alam kong wala lang ’tong nararamdaman ko. Alam kong nalilito lang ako noon.

Napahinga ako nang malalim habang inaalala ko bago tumayo at lumapit sa computer ko. Agad kong binuksan ang drawer ko at binuksan ang isang kahon na puno ng disc card. Agad kong hinanap ang isang disc card na may tanda na isang maliit na sticker at inilagay sa reader bago isaksak sa computer ko.

Nakangiti kong binuksan ang laman ng disc card na puno ng stolen shots ni Lucas, langit at mga ulap. Nakangiti kong clinick ang picture ni Lucas bago iunan ang kamay ko sa likod ng ulo ko at ipatong paa ko sa mesa bago titigan ang picture ni Lucas.

May pagkakahalintulad ang totoong ako at ang nararamdaman ko kay Lucas. Hindi ko sila parehong pwedeng aminin. Hindi ko pwedeng aminin na binihag ni Lucas ang puso ko. At isa na yata talaga akong bakla.

ISANG HAPON, nakaupo kaming dalawa ni Lucas dito sa rooftop. Madalas na kaming magkita dito at nagpapalipas ng oras. Katulad ng dati, katulad noon. Busy ako sa pagkuha ng litrato nang magsalita siya. 

β€œBakit gustong-gusto mo yung langit at mga ulap?” Tanong niya sa akin habang ngumunguya ng kinakain niyang hansel na paborito niyang kainin noon man hanggang ngayon.

Napatitig ako dahil sa tanong niya. Bakit nga ba gusto ko ang ulap at langit? Dahan-dahan kong naibaba ang camera at humiga habang nakatitig sa kalangitan na puno ng ulap.

Gustong-gusto ko ang kalangitan at ulap dahil pakiramdam ko, nasa piling mo lang ako Lucas. Ang mga ngiti mo na naghahatid sa akin sa kapayapaan katulad ng mga ulap. Ang presensya mo na nagpaparamdam sa akin na magiging ligtas ako kagaya ng pinaparamdam sa akin ng langit. Ikaw ang kapayapaan ko Lucas. Ikaw ang langit at mga ulap ko. Ikaw ang kapayapaan at kaligtasan ko. Ikaw ang sumisimbulo sa langit at mga ulap para sa akin at kung hihiling man ako, ayun ay makapiling ka lamang sa huli.

β€œMay tanong ako Lucas.” Turan ko sa kanya.

β€œAno?” Tanong niya.

β€œKikiligin na ba ako kung nasa piling ako ng ulap?” Tanong ko sa kanya.

Napatingin siya sa akin at parang nagtataka. β€œIbig mong sabihin sa taas? Sa mismong tabi ng ulap?” Pag-uusisa niya.

β€œHmm! Gusto ko doon oh! Sa tabi ng ulap!” Turo ko sa ulap.

β€œSiguro? Makikita mo yung mga tao sa ilalim. Maoobserbahan mo sila kahit parang langggam na lang sila.” Natatawa niyang sagot sa akin.

β€œMagiging payapa at ligtas kaya ako?” Tanong ko sunod.

β€œSiguro rin. Eroplano lang naman ang kaaway mo. Makipagbuno ka na lang sa kanya. Malaki naman ang katawan mo. β€œ Sagot niya sabay tawa nang malakas. β€œHalos kalahati mo nga lang ako eh!” Dugtong niya pa na kinangiti ko.

Wala akong pagsisisi na mahulog sayo nang paulit-ulit. Pipiliin kita araw-araw. Mamahalin kita habang buhay. Ikwekwento kita sa langit at mga ulap kapag kapiling na nila ako.

NAGDAAN ang mga araw at buwan. Nanatili kaming magkaibigan ni Lucas. Halos siya ang kasama ko araw-araw. Sa rooftop, pagpasok man o paglabas ng school, tuluyan na nga akong nahulog at mukhang nalibing pa. 

Wala pa akong balak umamin sa kaniya pero balak kong umamin ngayon sa aking mga magulang kung anong totoong ako na matagal ko nang inililihim. Noong umalis si Lucas, akala ko mawawala ang nararamdaman ko sa katulad niyang lalaki pero bigo ako. Nakaramdam ako ng pagmamahal sa katulad kong lalaki. Pinilit kong itago pero hindi ko kaya. Pero wala pa rin tatalo sa pag-ibig ko kay Lucas. Na kahit ilang lalaki pa ang iharap sa akin, si Lucas lang ang pipiliin ko. Siya ang mananatiling kapayapaan, kaligtasan at katinuan ko.

Bakla ako. Oo bakla ako. Tanggap ko na rin sa sarili ko. Hindi ako nakakaramdam ng kahit anong atraksyon, emosyon at kahit ano pa sa mga babae dahil sa mga katulad ko ’tong lalaki nararanasan. Ni minsan hindi talaga.

Tumayo ako sa aking higaan at kinuha ang isa pang kahon mula sa ilalim. Pinagpagan ko ang kahon dahil sa alikabok bago buksan. Dahan-dahan kong hinawakan ang laman nito at hinaplos. Ang bigat ng baril na ’to kagaya ng dala-dala ko sa puso ko.

Ito ang regalo sa akin ng aking papa noong bente uno ako. Isang baril at isang bala. Dahil naman daw magiging pulis ako, at excited siya para sa akin, ibinigay niya ang isa sa mga baril niya sa akin. Pasensya ka na, pero hindi ikaw ang gusto kong hawakan. Gusto kong kumuha ng litrato, gumawa ng pelikula at magkwento gamit ang camera.

Huminga ako nang malalim at ibinalik sa dating pwesto ang baril bago lumabas ng kwarto. Sabado ng gabi ngayon. Sabay-sabay kaming maghahapunan.

β€œDom, anak! Upo na!” Turan sa akin ng aking mama na tinanguan ko at umupo sa tapat ng mesa.

Ibayong kaba ang hatid sa akin nang madinig ang tunog ng sapatos ng aking ama na papasok ng bahay.

β€œPapa! Halika na! Sakto ang dating mo! Kakain na tayo.” Tawag sa kanya ni mama.

Dahan-dahan naman akong tumingin sa kanya at nakitang hinubad niya ang uniform niya at inalis ang nakasabit na baril sa bewang bago maglakad papunta kung nasaan kami.

Nakatitig lang ako sa kanya habang siya ay naglalakad at nang makalapit sa akin, tinapik niya ang balikat ko bago umupo sa upuan.

β€œKapagod. Kumusta Dom?” Bungad niya pagkaupo.

Ngumiti lang ako at hindi na nagsalita pa. Inihanda na ni mama ang pagkain at nagsimula na kami kumain pagkatapos.

Nang nasa kalagitnaan na ng pagkain, ibinaba ko ang hawak kong kubyertos at huminga nang malalim bago nagsalita.

β€œMa, pa, may i-ipagtatapat po ako.” Halos hindi na lumabas sa bibig ang mga kataga.

Tumigil sila sa pagkain at tumingin din sa akin. Muli akong humugot nang malalim na hininga bago magsalita.

β€œBakla ako.” Walang pagdadalawang isip kong turan at tila gumaan ang dalahin sa aking puso na kahapon lang ay kay bigat.

Halata ang gulat sa kanilang mga mata. Gulat, pagkadismaya, panghihinayang at pagkadisgusto. Bumalik sila sa pagkain na parang walang nangyari pero ngayon, iba na ang aura ng buong hapag kainan.

β€œB-bakla po ako. Hindi k-ko na kayang itago. Nagkakagusto po ako sa la–” Parang umatras ang dila ko nang ibagsak ni papa ang kamay niya sa mesa.

Hindi ko inasahan ang mga susunod na nangyari. Natagpuan ko na ang sarili ko na sinasalo ang mga suntok na galing sa aking ama at umiiyak na si mama. Wala akong ginawa. Hindi ako lumaban. Ayoko lumaban.

NAGISING ako sa bangayan ng aking mga magulang. At ang usapan nila ay walang iba kung hindi ako. Nagising din akong puro pasa na at sugat saan man parte ng katawan. Sobrang sakit. Pero mas masakit na hindi nila ako kayang tanggapin. 

β€œAnong sasabihin ng mga katrabaho ko kapag nalaman nila na ang nag-iisang anak ko na lalaki ay bakla?! Hindi siya pwedeng maging bakla! Mabuti pang mamatay na lang siya kung magiging bakla lang siya!” Mga katagang tumatak sa aking kaisipan bago ko ipikit ang aking mga mata.

Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakapikit bago ako magmulat dahil sa pagbukas ng aking pintuan. Namuo na naman ang takot ko nang makitang ang aking ama ang pumasok.

Mabilis niya akong nilapitan at hinawakan nang mahigpit ang mukha ko. β€œHindi ka bakla. Hindi ka magiging bakla.” Galit na galit niyang turan at tinulak ako.

β€œTumikim ka ng babae. Kapag nakatikim ka ng babae, magiging maayos na yang pag-iisip mo. Nalilito ka lang. Magdadala ako ng babae dito at kapag hindi mo ginalaw, malilintikan ka sa akin.”

NAKAHIGA ako sa rooftop at wala akong ganang hawakan ang camera ko. Nais ko lang panoorin ang ulap kung gaano ito kaganda at kung gaano kaaliwalas ang langit nang dahan-dahan may tumakip sa nasisilayan ko. Sumalubong sa akin ang mukha ni Lucas na nakatayo sa tapat ko ngayon. 

β€œAnong nangyari sa mukha mo?” Tanong niya at umupo sa tabi ko.

Dahan-dahan naman akong umupo at tinapatan siya. β€œTraining.” Nakangiti kong sagot sabay taas pa ng dalawa kong kilay nang sabay.

β€œKailangan ganyan talaga ang training? Mukha ka nang papatayin eh!” Para akong nanaginip dahil nakikita ko sa mga mata ni Lucas ang pag-aalala.

β€œHmm.” Sagot ko na lang.

Nakita ko kung paano umangat ang kamay niya at lumapat sa pisngi ko bago dahan-dahan itong haplusin. Muli na naman tumigil ang paligid ko at ang tanging nakikita ko na lamang ay siya.

β€œHindi ka na pogi.” Bulong niya pa na kinatawa ko.

β€œMay ibibigay ako sayo.” Nakangiti kong turan at hinugit sa bulsa ang isang key chain na hugis biscuit. Hinatak ko sa magkabilang dulo para makita niya na hindi lang ito basta-bastang key chain. Isa din flash drive na naglalaman ng mga palihim kong kinuhang litrato niya.

β€œTadaa!” Masaya ko pang pakita sa kanya.

Hindi nakatakas sa mata ko ang pagningning ng mga mata niya at kinuha agad sa akin.

β€œAng cute, Dominic!” Masaya niyang turan na sobra kong kinangiti.

β€œAno laman nito?” Tanong niya.

Huminga ako nang malalim at tumitig sa mga mata niya. β€œLaman nyan ang kapayapaan at katinuan ko.” Sagot ko sa kanya.

β€œLangit at mga ulap?” Tanong niya.

β€œHmm!” Sagot ko sabay ngiti. β€œKung saan ako napapayapa at kung sinong mahal ko.”

β€œMaraming salamat.” Nakangiti niya pang turan.

β€œKapag nawala mo yan, tingin ka lang sa ulap, makikita at maaalala mo ako.”

KINABUKASAN, maagang naghintay si Lucas sa rooftop. Nag-aabang sa pag-akyat ni Dominic dala ang kanyang camera at isang biscuit na para kay Lucas upang saksihan ang kagandahan ng langit at mga ulap kasama siya.

Mahigpit ang hawak ni Lucas sa binigay na flash drive ni Dominic dahil akala niya hindi na kailan man masusuklian ang lihim niyang pagmamahal kay Dominic. Pinag-isipan niyang mabuti ang mga sinabi ni Dominic sa kanya sa lugar at oras din yon at alam niyang mahal talaga siya ni Dominic hindi lang nito maamin-amin kaya si Lucas na ang aamin.

Lumipas ang buong oras ng break time ngunit walang umakyat na Dominic dala ang kanyang kamera at isang biscuit. Mabilis na bumaba si Lucas at pinuntahan ang classroom ni Dominic.

Hindi katulad noon ang inabutan niya. Isang tahimik na klase, walang nagtatangkang mag-ingay kahit hindi pa tapos ang break time at halos lahat sila ay malungkot ang mukha.

Dahan-dahan pumasok si Lucas sa loob at habang palapit nang palapit lalong bumibigat ang pakiramdam niya. Humigit ang hawak niya sa flash drive at tumingin sa mga tropa ni Dominic.

Pasimple pa siyang kumaway pero malungkot ang mga mukha ng mga ito. Dahan-dahan lumapit si Lucas sa mga tropa ni Dominic.

β€œSi D-dom?” Nauutal niyang tanong.

Tinuro ng tropa ni Dominic ang teacher’s table na parang invisible lang kay Lucas kanina at ayaw niyang tignan. Nakalagay sa table ang picture ni Dominic at may mga kandila sa tabi nito.

Tuluyan nang nanghina ang tuhod ni Lucas at napaupo sa sahig habang nakatingin sa picture frame ni Dominic at bumuhos ang masagana niyang luha.

β€œBinaril niya yung sarili niya kagabi sa ulo. H-hindi naman alam kung bakit. Hindi namin alam na may problema pala siya.”

Sagwan by Kalli

Sagwan 8/11/22; 00:51

"Uy! Uy! Gising na! Alas-una na!" 

Siguro’y nagtataka kayo kung bakit ako ginigising sa ganitong oras. Hindi dahil simula kaninang umaga ay tulog ako. Hindi rin dahil puro tulog na lang ako.

β€œOpo. Tatayo na…” Sagot ko kay mama.

Hindi naman ako tulog. Hindi nga ako makatulog dahil sa malalim na pag-iisip. Sa dami kong iniisip, hindi na sila kasya sa isip ko. Sa dami kong inaalala, minsan nakakalimutan ko na. Ang dami kong dapat gawin pero hindi ako pwedeng sumuko, umarte at maging tamad.

Tumayo na ako mula sa pagkakahiga at dumiretso sa kusina na kurtina lang ang naghahati mula sa kwarto kung saan kami nagsisiksikan. Gamit ang liwanag sa cellphone ko, naghanap ako ng kapeng 3-in-1 sa basket. Mabuti naman at may natira pa ang kakambal niya. Buti kambal sila. Hehe.

Tinimpla ko na kape at lumabas na ng bahay. Umupo ako sa tapat ng bahay habang nakatingin sa kalangitan at buwan na kay liwanag. Bakit nga ba ako ginising ng ganitong oras? Dahil, oras na pala magtransform. Isa akong manananggal at kailangan kong mag-ikot ikot para may kainin kaming sariwang karne ng tao bukas.

Charot!

Syempre hindi ’no! Kailangan kong mag-igib ng tubig na gagamitin bukas maghapon. Ganito na ang routine ko simula pa noon. Bakit ganitong oras ako nag-iigib? Sa umaga, mabagal ang tulo ng gripo dahil sa dami ng gumagamit kaya mas pinipili kong ganitong oras mag-igib. Solo ko ang gripo.

Napahinga na lang ako nang malalim bago humigop nang kaunti sa aking kape at buksan ang cellphone ko. Napangiti ako nang makita ang ilang tumatangkilik sa gawa kong nobela sa isang platform.

Isa ang pagsusulat sa aking hilig. Dahil rin sa pagsulat, nakabili ako ng sarili kong cellphone na siyang ginagamit ko ngayon. Kahit walang kuryente dito sa amin na halos dalawang taon na, kailangan na kailangan talaga ang cellphone. Dahil malapit na rin ang pasukan, dahil sa pandemya, hindi ako makapasok ng school. At kung papasok man, proproblemahin ko pa ang pamasahe. Pero dahol nga sa pandemya, through online ang pagpasok ngayon. Ang prinoproblema ko naman ay ang aking pangload. May mga generator naman kung sakaling ma-lowbat ako. Madami nang may generator dahil sa tagal naman na walang kuryente.

Isa-isa akong nagreply sa aking mambabasa habang nakangiti. Nakakataba naman ng puso na may sumusuporta sayo kahit papaano. Hindi man ako kasing sikat ng iba, at least may sumusuporta.

Patuloy lang akong nagcellphone hanggang sa maubos ang kape ko bago ako tuluyang tumayo pagkatapos kong bitawan ang cellphone ko. Lumapit sa malaking drum na katabi ng aking bahay, inalis ang takip nito. Buong lakas kong itunumba ang drum para maibuhos ang natitirang laman nito bago ko kinuha ang isang timba at maglakad ng ilang hakbang papunta sa pampublikong gripo. Itinapat ko ang timba at pinihit ang gripo.

Habang naghihintay akong mapuno, maliban sa ingay ng tubig sa timba, naririnig ko rin ang katahimikan ng balon dito. Iba talaga kapag tahimik, kahit sobrang tahimik na bagay, gumagawa ng tunog.

Halos ilang minuto rin bago mapuno ang timba. Nang mapuno ito, agad kong binuhat. Sanay na ako sa bigat. Ang tagal ko na ’tong ginagawa. Sanay na sanay na ang balikat at katawan ko. Bumalik ako sa drum at binanlawan ko ito gamit ang tubig na inigib ko bago ulit ito itayo. Dahil naubos ang tubig sa pagbanlaw, bumalik ulit ako sa gripo at muling tinapat ang timba sa gripo.

Napatitig na lang ako sa umaangat na tubig na unti-unting pumupuno sa timba. Sa hirap ng buhay, minsan ginugusto ko nang mamatay.

Pero para saan nga ba ang makasurvive sa buhay kung sa huli ay mamamatay ka naman? Tanong ko rin ’yan noon. Pero sa sarili ko rin nakuha ang kasagutan. Nais kong makaalis sa buhay na ganito para sa sarili ko. Ayokong manatiling gumagapang sa hirap para sa kinabukasan ko.

May mga kaibigan naman ako. Hindi ko masabing mabait dahil, sa internet ko lang sila nakilala. Katulad ko rin na pagsusulat ang gusto.

Naalala ko minsan nang mag vitual meet up kami gamit ang isang app. Wala naman akong balak sumali pero wala naman akong ginagawa noong time na ’yon at isa pa, isang kaibigan ko rin na manunulat ang host.

Doon ko nakilala ang lalaking, bumuo at sumira sa pagkatao ko. Matagal ko nang alam na isa akong bakla, bading o bayot kung ano pa mang lenggwahe pero kahit kailan hindi ko pa nasubukan makipagrelasyon.

Naaalala ko pa, noong nakita ko siya doon, hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman. Saksi ang aking kaibigan. Kaya matapos ang virtual meet up, agad ko siyang kinausap. Akin siyang chinat sa aking Facebook. Walang pagdadalawang isip. Hindi ko rin nakalimutan na pasalamatan ang aking kaibigan na inaya akong sumali sa kanilang virtual meet up. Napagalaman ko rin na kaibigan din niya yung lalaking gusto ko kaya hindi rin siya nagdalawang isip na tulungan ako.

Labis-labis ang aking tuwa nang malaman kong ganon din ang kanyang reaksyon nang ako’y kanyang makita. Patuloy kaming nag-usap, sa umaga, tanghali hanggang gabi. Napagalaman ko rin na isa rin pala siyang manunulat na isa pang kinatuwa ko.

Malayo siya kung saan ako nakatira kaya hindi kami pwedeng magkita. Isa pa, ang mahal ng pamasahe at facemask ’no! Nanatili kaming nag-uusap hanggang sa magpalagayan na kami ng loob, napagdesisyunan pareho na pumasok na sa isang relasyon.

Para akong nasa ulap. Ang sarap sa pakiramdam na may masasabihan ka na, masasandalan sa problema, kasama sa kahit saan. Ang sarap pala. Ang sarap pala na may nakakaintindi sayo. Sinabi ko rin sa kanya ang sitwasyon ko na hindi ako laging may pantawag o pang videocall sa kanya pero sinisikap kong makausap siya araw-araw. Sinabi ko na hindi ako mayaman, sa katunayan, sobrang hirap. Mahirap kami. Tinanggap naman niya.

Noong una’y nagkakaunawaan pa kami. Kahit may mga away na kanyang sinisimulan na hindi ko maintindihan. Pinipilit kong isiksik sa ulo ko na topakin lang siya. Naiintindihan ko.

Lumipas pa ang mga buwan, consistent ang mga away namin. Pero sabi ko, kasama naman talaga sa isang relasyon ang away. Hindi naman laging masaya at tumatawa kaya pinilit kong intindihin. Kinamusta naman ako ng aking kaibigan. Pinaalalahanan ako na malaki nga daw ang topak ng kanyang kaibigan na ngayo’y boyfriend ko na. Malaki ang tiwala ko sa sarili ko na kayang-kaya ko sabayan ng pang-unawa ang topak niya kahit ano pa yan. Kaya sinabi ko sa aking kaibigan na h’wag siyang mag-alala, kayang-kaya ko. Pumasok ako sa ganito at hindi ako lalabas dahil nagsawa ako. Mapapagod, oo, pero pilit akong magpapahinga para intindihin ulit siya.

Nagdaan pa ang mga araw, naisipan ko na siya’y puntahan na. Ilang trabaho ang ginawa ko. Pinag-igib ang kapitbahay, pinaglinis ng kanilang bahay, pinag-alaga ng pamangkin, at kung ano-ano pa. Kahit pagod, masaya naman ako. Sa wakas, mahahagkan, mahahalikan at mayayakap ko na siya.

Kinabukasan rin ay nag-empake ako. Umalis, excited, walang mapaglagyan ang kasiyahan, umaapaw ang kaligayahan. Kahit mahal ang pamasahe, ilang oras man ang byahe, wala akong pakialam. Nais ko siyang makita. Nais ko siyang mahagkan. Nais ko siyang mahalikan.

Nang makita ko siya, lalo pa akong sumaya. Ilang taon man ang kanyang tanda sa akin, malaki naman ako sa kanya. Noong araw din na yon, natulog kami sa kaibigan niya dahil istrikto ang lola niya. Pero parang hindi ako gusto ng kaibigan niya? Wala naman akong pakialam makasama ko lang siya.

Matapos ang gabi, nalagi pa ako ng ilang oras kinabukasan bago tuluyang umuwi. Ayaw ko man, hindi pwede. Pag-uwi ay walang-wala na akong pera. Pero sulit na sulit naman. Nakita ko siya, nahagkan ko siya, nahalikan ko siya, ang mahal ko.

Pero ang problema ay parang alon akong sinalakay sa pangpang. Hindi na naman kami magkaunawaan. Pinipilit ko siyang intindihin pero lumalala lang. Hanggang sa i-send sa akin ng kanyang kaibigan ang litratong nagpadurog sa puso ko.

Gumagamit siya ng gay app? Hindi ba’t boyfriend niya ako? Naghahanap ba siya ng iba? O ka fling sa likod ko? Ang sakit naman.

Kinompronta ko siya. Sinabi niyang na-bored lamang siya. Dahil sa mahal ko siya, inintindi ko. Madalas rin naman ay hindi ko na siya makausap dahil wala akong load. Pero sinisikap ko naman na maichat siya araw-araw at makausap. Pero kulang pa pala.

Hinayaan ko kahit nakakadurog. Intindi ko kahit masakit. Nagpatuloy kami, kagaya ng dati. Laging away. Laging may topak. Seloso, praning pero hindi ko alam na siya pala ang may ginagawa sa likod ko.

Napagalaman ko na lang sa kaibigan niya na gumamit ulit siya ng gay app o dating app. Nakakuha ng ka-meet up para may kasama sa kanyang lakad. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Tatlong araw sa aking itinago, ni walang balak sabihin. Kung hindi pa inamin ng kaibigan niyang ayaw na ayaw sa akin, hindi ko pa malalaman.

Durog na durog ako. Gamit ang pera kong ilang araw kong pinag-ipunan. Agad ko siyang pinuntahan. Wala siya nang ako’y makarating at nang dumating, gulat siya nang ako’y makita. Tinanong ko kung anong dahilan, β€˜out of boredom’, sagot niya.

Pinili kong magpahinga muna sa aming relasyon. Umaasang maayos kami makalipas ang ilang araw. Ayoko siyang hiwalayan. Ayoko siyang mawala. Pero ito yung punto na napagod na ako. Nais kong magpahinga.

Makalipas ang ilang linggo, may isang post siya, kasama ang isang lalaki. Bagong boyfriend niya. Habang ako’y durog na durog, siya pala ay naka move on na. Ang masakit pa, kung anong wala ako siyang meron nitong bago.

Ganon ba ako kapangit? Ganon ba ako kahirap? Para ipagpalit? Ginawa ko naman lahat ha? Inintindi kita, minahal kita, wala akong ginawang masama sayo pero bakit mo ginawa sa akin ’to? Para ipamukha na mas better siya? Para ipamukha na mas may pera siya, ako wala? Ganon na lang ba ’yon?

Blinock mo pa ang mga kaibigan mo na kaibigan ko rin para hindi nila makita hindi ba? Naghingi ka pa ng tulong, iiyak-iyak ka pa. Bandang huli, wala ka naman palang planong ayusin. Ako lang ang nagplano, wala naman matutupad.

Napahinga na lang akong malalim bago ibuhos ang huling timba ng tubig sa drum at punasan ang pawis sa aking noo. Napatitig ako sa ginawang maliliit na alon dahil sa pagbuhos.

Kung maihahalintulad ko man ang aking buhay sa isang bagay? ’Yun ay isang bangkang papel sa gitna ng maalon na karagatan. Madali akong masira, madali akong matunaw. Pero hindi lang ako basta-bastang manipis na papel. Hangga’t may sagwan ako, patuloy akong sasagwan pasulong. Hangga’t hindi lumulubog ang aking layag, patuloy ang maglalayag.

Sagwan lang nang sagwan, hindi naman araw-araw talo ka.

Inspired by true events.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
β€”
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.