loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
WITCHES PETS

WITCHES PETS

kabrobars · 1 chapter · 3,593 words

FORBIDDEN AFFAIR

Sa ano mang kuwento hindi maaaring walang kontrabida sa buhay ng isang bida. At kalimitan sa mga kuwentong patungkol sa romansa at pag-ibig hindi maiwawaksi ang malaking papel ng mga intrimitidang mga bida-bida. Madalas nilalarawan silang ganid, puno ng puo’t galit sa puso, matatapang, malalakas, makapangyarihan at panget. Ang masamang depenisyon nila ang lalong nagpapabaon sa kanilang imahe sa mas pinakamababang reputasyon bilang mortal na kaaway ng mga bida. Ngunit sa katulad na mga kuwento, hindi naman lahat ng puti ay mababait at ang itim ang masasama. Nagkataon lang na doon nahanay ang kanilang papel na ginagampanan. At wala naman silang magagawa kundi ang sundin ang naka-atang sa kanilang direksyon. Ang maging kontrabida sa kuwento ng isang bida.

Bubuksan natin ang ating mahiwagang kuwento sa malayong bayan ng Verdalez. Isang mayaman at masaganang bayan sa kanlurang bahagi ng kaharian ng Harden. Ito ang sentro ng kalakalan sa buong kaharian. Mababait ang mga mamamayan ng Verdalez sa lahat ng mga dayo at panauhin na nais masilayan ang maganda nitong lugar, maliban sa mga…

“Mangkukulam tayo Arabel, at pag-nalaman ni Milandro ang tungkol sa iyo baka magbago ang tingin niya at sa halip kamuhian ka pa niya at isuplong sa mga pari.” Paalala ni Mildred sa kapatid na si Arabel.

“Hindi ko maaring talikuran ang pag-ibig ko kay Arabel dahil lamang sa isa kayong mangkukulam. Handa akong talikuran ang aking bayan makasama lang sa habangbuhay itong aking pinakaiibig na irog.” Turan ni Milandro na bigla na lang lumabas mula sa kumpol ng mga dayami.

Nagulat ang magkapatid nang makita nila si Milandro sa kanilang bakuran. Napaiyak na lang na napayakap si Arabel sa lalake dahil sa sinabi nito. Dahil sa narinig na rin lahat ni Milandro ang sekreto ng pamilya nila Arabel, buong tapang na nagkuwento si Mildred tungkol sa kanila. Malugod namang nakinig si Milandro sa magkapatid.

Galing sa mga angkan ng malulupit at makapangyarihang mga mangkukulam sina Arabel at Mildred. Mula pa sa kinalimutang lupain ng Lapuk ang kanilang pamilya.

Si Brehilda ina ng magkapatid at si Bruka na kapatid ni Brehilda ang natatanging hiyas ng ama nilang si Bermulo ang kinikilalang punong hari ng mga mangkukulam sa kanilang itinayong kaharian. Bagama’t magkapatid ang dalawa sa ama, magkaiba naman ang pinanggagalingan nilang ina.

Si Brehilda ay anak ni Bermulo sa isang babae na taga-labas. Isang magandang dilag na taga nayon ng Monaika. Si Rosandra. Siya ang kaunaunahang marilag na bumihag noon sa puso ni Bermulo nang minsan nagmanman ito sa Nayon na iyon upang bumihag ng biktima. Sa kada ika-limangpu na pagbilog ng buwan kinakailangan nila ng dugo ng isang berhin na alay upang lalong lumakas ang kanilang kapangyarihan. At kabilang noon si Bermulo sa mga inatasan na gumawa nun para sa kanilang lahi.

Ngunit ang malagim nitong balak ay napalitan ng paghanga nang minsan masilayan nito ang magandang mukha ni Rosandra. Nabighani ito sa malapurselanang kutis ng babae. Sa mga mapupungay nitong mata na animoy mga malamlam na bituin sa langit na kumikislap. Dagdag pa dito ang malarosas sa pula nitong mga bibig na tila mansanas sa paraiso ng hardin na kay sarap pitasin tsaka kagatin. Higit pa roon ang malago at itim na itim nitong buhok na abot beywang ang haba. Mga katangiang humuli sa kiliti ni Bermulo upang kalimutan ang kanyang pakay at magpakilala sa babae.

Naliligo noon sa batis si Rosandra na mag-isa. Nakalubog ito sa malamig na tubig na walang ano mang tabon sa katawan nang magpakita sa kanya si Bermulo. Sa gulat ng babae napasigaw ito, dahilan para kabahan din si Bermulo kaya patakbo itong umalis doon. Ngunit sa kanyang pagkataranta hindi nito napansin ang mga nakausling ugat ng puno sa lupa. Natisod ito doon at humagalpak sa lupa ang lalake na tumama pa ang mukha nito sa dumi ng kalabaw.

Sa sitwasyon ni Bermulo, ang kaninang takot na si Rosandra ay napahalakhak na lang sa tawa sa sinapit ng lalake. Natawa na lang din si Bermulo sa sarili. At iyon ang naging simula nang mas malalim pang pagkakakilanlan ng dalawa. Makisig ,maamo ang mukha at guwapo si Bermulo kaya hindi na ito nahirapan pang makuha ang matamis na oo ni Rosandra. Naging lihim ang kanilang pag-iibigan lalo na sa mga kanayon ng babae at sa pamilya nito. Iyon ang naging pasya ng dalawa nang aminin ni Bermulo kay Rosandra ang totoo nitong pagkatao.

Kampon ng kasamaan at salot ang turing ng mga tao sa lahi nila Bermulo. Kaya lalo lang itong umibig kay Rosandra nang tinanggap ng babae ng buo ang kanyang pagkatao na walang pag-aalinlangan. Malapit na ang nakatakdang pagbilog ng buwan ngunit wala paring tugon mula kay Bermulo kung May nahanap na ba itong alay. Kinagalit iyon ng kanyang inang si Bruhita at binigyan lamang ng limang araw ang lalake para gawin ang utos sa kanya.

Sa puntong ito dito naman papasok ang pangalan ni Lukresha mula sa angkan ng mga magbabarang na matagal ng may lihim na pagtingin kay Bermulo. Malapit ito sa ina ng lalake kaya madali lang sa kanya na bilugin ang isip ni Bruhita.

“Batid ko na hindi ginagawa ni Bermulo ang kanyang misyon inang Bruhita. Tila may iba nang pinagkakaabalahan ang anak mo sa Nayon.” Pahaging nitong sabi kay Bruhita.

“Ano ang tinutumbok ng dila mo Lukresha? Sa tubo ng pananalita mo tila pinag-iisipan mo ng masama si Bermulo. Kalapastanganan ang pagbintangan ang isang prinsipe. At alam mo ang parusa diyan.” Napataas ng kilay si Bruhita sabay pisil sa pisngi ni Lukresha. Timpi ang galit nito sa babae.

“Hindi nagsisinungaling ang aking mga espeya inang Bruhita. Sandali at may ipapakita ako sa iyo. Upaw ,kari ka! Ipakita mo sa amin ang iyong nakita.” Utos ni Lukresha sa alaga nitong buwitre’

Lumipad palapit kay Lukresha ang alaga at dumapo ito sa kanyang braso. Saglit pa at iniluwa na ng ibon ang kanyang mata sa itim na mangkok na may sabaw na hawak naman noon ng babae. Hinalo iyon ni Lukresha gamit ang kanyang daliri hanggang sa unti-unting luminaw ang malapot na sabaw sa mangkok. Natigalgal si Bruhita sa kanyang nakita mula roon sa mangkok.

“Sundan mo sa Nayon si Bermulo at dalhin sa akin ang babaeng iyan ngayon din!” Biglang utos ni Bruhita kay Lukresha.

Tinuka ng buwitre’ ang kanyang mata mula sa mangkok tsaka nilunok muli iyon hanggang sa nanumbalik ang kanyang mata. Nauna itong lumipad palabas ng bintana. Sumunod sa kanya si Lukresha na sakay naman sa kanyang lumilipad na walis.

Naramdaman ni Bermulo ang panganib sa galit ng kanyang ina. Kaya inabisuhan nito si Rosandra na humanda para sa kanilang pagtanan. Labag man sa loob ng babae na iwanan ang mga magulang, ngunit sa laki ng pagmamahal nito sa lalake at sa matamis nilang pag-iibigan ni Bermulo, sumama ito sa lalake. Ipinagluksa ng lubos ni Bruhita ang pagtalikod sa kanya ng kanyang anak. Muling nanariwa sa kanya ang kanyang nakaraan. Tulad ng anak minsan na rin itong nahumaling sa isang lalaking taga-labas.

“Talaga ba Nicolas, mahal mo ako?” Lumiwanag sa mukha ng isang magandang dilag ang hindi maipintang saya nang magtapat ng pag-ibig sa kanya ang pinakatangi-tangi nitong lalake, si Nicolas.

“Wala ng mas hihigit pa sa pagmamahal ko sa iyo Bruhita. Ikaw na ang siyang pinapangarap kong babae na ihaharap ko sa dambana ng simbahan. Mahal kita maging sino ka man.”. Tugon ng lalake sa babae at ginawaran ito ng masuyong halik na puno ng pag-ibig.

Ipinagkaloob ni Bruhita ang kanyang buong sarili kay Nicolas sa tindi ng pagmamahal niya sa lalake. Isang malaking kasalanan sa lahi nila ang madungisan ng taga-labas ang kanilang pagkatao. Ngunit hindi iyon ininda ni Bruhita. Ang silakbo ng pagmamahalan nila ni Nicolas ang bumulag sa kanya. Sumama ito kay Nicolas sa bayan upang ipakilala siya nito sa mga kaanak at magulang ng lalake. Ngunit may hindi inaasahan si Bruhita na masumpungan doon.

Isang Bailan ang ama ni Nicolas. Isang manggagaway na manggagamot at mortal na kalaban ng mga mangkukulam. Bago pa makarating sa kanila ang magkasintahan, dati pa ugali na ng ama ni Nicolas na maglagay ng proteksiyon at harang sa paligid ng bakuran, maging sa mga hangganan ng kanilang lupain upang tukuyin ang sino mang dayo na magagawi sa kanila. Isang natatanging harang na humahadlang sa mga masasamang nilalang na makapasok sa kanilang lupa, kasama na ang mga mangkukulam tulad ni Bruhita.

Ipinagtaka ni Nicolas na hindi sumunod sa kanya ang babae, nasa hangganan lang ito at tila takot na umapak sa lupain nila Nicolas. Binalikan ng lalake si Bruhita at hinawakan nito ang kamay. Ngunit umiwas sa kanya ang babae at napaatras ito.

“Ano ang nangyayare sa iyo mahal? Halika na at naghihintay na sila roon para makilala ka. Huwag ka nang mahiya. Kasama mo ako. Mababait ang mga tao rito, at tiyak magugustuhan ka nila.” Ani pa ni Nicolas sa babae.

“Pasensya na tila hindi pa yata ako handa na makaharap ang pamilya mo. Sa susunod na lang. Aalis na ako.” Ang balisang tugon ni Bruhita.

Papaalis na ito nang marinig nitong nagsalita ang ama ni Nicolas na sumunod pala sa lalake nang lapitan nito ang babae.

“Hindi handa o sadyang natatakot ka lang na umapak sa harang na nakalaan lamang sa mga uri niyo?” Tanong ng ama ni Nicolas kay Bruhita.

Nagulat si Nicolas sa mga tinuran na iyon ng ama sa kanyang kasintahan. Wala nang nagawa pa si Bruhita kundi ang ilantad sa minamahal ang tunay nitong pagkatao. Para narin sukatin ang pagmamahal ng lalake sa kanya inamin ni Bruhita na isa siyang mangkukulam. Ngunit sa halip na marinig kay Nicolas ang malugod nitong pagtanggap sa kanyang katauhan. Kasuklam-suklam na pandidiri ang tugon ng lalake. Hindi matanggap ni Nicolas na isang mangkukulam ang pinag-alayan nito ng kanyang pag-ibig.

“Hindi mo siya mahal Nicolas, ginamitan ka lang niya ng gayuma at kulam kung kaya nahumaling ka sa huklubang ito at nahulog!” Wika pa ng ama ni Nicolas.

Nasaktan ng labis si Bruhita sa ginawa na iyon sa kanya ni Nicolas. Dulot ng hindi mapigil na galit, naging kulay abo ang balat ng babae, bumagsak ang nakalugay nitong buhok na mula sa pagiging itim nagpalit din ng kulay at naging purong puti. Nanlisik ang mga mata nito na punong-puno ng galit. Kasunod nun ang paghambalos ng malakas na hangin na lumikha ng napakalaking ipo-ipo paikot sa katawan ni Bruhita. Kumapal ang mga kaulapan at gumuhit mula doon ang matalim na mga latay ng kidlat na gumuguhit sa lupa. At sa pagtaas pa ng kamay ni Bruhita, tatlong malalaking ipo-ipo pa ang lumitaw at sinalanta ang mga madaanan nito. Nakikiusap na noon si Nicolas kay Bruhita na itigil na ang kanyang ginagawa, ngunit tuluyan nang nilukuban ng galit at puot ang babae.

Isinumpa ni Bruhita si Nicolas, ginawaran niya ito ng nakakakilabot na kulam. Naglaho ang dating gandang lalake ni Nicolas. Nabura sa katawan nito ang kanyang kakisigan. Naging isang napakapangit na kuba ang lalake. Mas naging nakakatakot pa ito sa anyo ng isang halimaw. Nagwawala si Nicolas dahil sa kanyang kalagayan at mas lalo nitong kinamuhian si Bruhita.

“Sa pagtamay mo sa pagkatao ko! Titingnan ko lang kung mayroon pang babae ang gugustuhin ka sa anyo mong iyan! Pagdudusahan mo ang pananakit mo sa damdamin ko. Mababaw ka! Kaya hangga’t walang babae ang tatanggap sa iyo, mananatili kang ganyan!” Huling mga salita ni Bruhita matapos ito maglaho kasama ng mga ipo-ipo.

Nawalan na nang pagasa pa si Nicolas na mabuhay dahil sa kanyang anyo. Maging ang kanyang ama na pinakamagaling sa uri ng panggagamot dulot ng mga mangkukulam ay hindi nakayanang ibalik sa dati ang anak. Iyon man ang naging parusa ni Bruhita kay Nicolas lubhang masakit iyon sa kanya. Minahal niya ng labis ang lalake na kahit tinalikuran siya nito hindi naman iyon nawala. Pinagluksa rin iyon ng babae. Naawa man sa dating kasintahan, hindi na nito mababawi ang iginawad na sumpa sa lalake. Ang ginawa na iyon ni Bruhita kay Nicolas ay nagdulot lang ng mas matinding galit ng mga tao laban sa mga mangkukulam. Sa tulong ng ama ni Nicolas at ng iba pang mga Bailan, nakagawa ng mga harang ang tao bilang proteksyon sa pananalanta ng mga mangkukulam.

Naging makipot na ang daan ng mga uri at lahi ni Bruhita kaya napilitan din ang mga tulad niya na lumikha rin ng kanilang sariling mundo at kaharian. Ang lupain ng Lapuk.

Isinilang ni Bruhita ang anak nila ni Nicolas. Ang kaunaunahang lalaking mangkukulam na iniluwa mula sa kanilang angkan, si Bermulo.

“Tama nang may isang nagpakatanga sa pag-ibig sa lahi natin Bermulo. Ayoko nang maulit pang muli ang nakaraan.” Ang wika ni Bruhita habang nakatingin sa malayo.

Samantala, sa kagustuhang makalayo sa ngitngit ng ina. Kasama si Rosandra tinungo nina Bermulo ang bayan ng Verdalez sakay ng ninakaw nilang karwahe. Pansinin sa madla ang kagandahan ng dalawa. Kaya halos lahat ng mga tao na madaanan nila sa kanila ang tingin. Kinakabahan na sa mga sandaling iyon si Bermulo, pakiwari niya tila hinuhubaran sila ng mga nakakasalubong.

“Hindi kaya, alam ng mga iyan na isa akong mangkukulam?” Bulong ni Bermulo kay Rosandra.

“Bawat bayan, at mga lupain dito sa Harden balot ng mga harang at pananggalang laban sa mga uri niyo. Lalo na dito sa Verdalez na sentro ng kalakalan ng lahat ng mga karatig bayan. Nagtataka nga ako kung bakit walang talab sa iyo ang mga harang. Nagdadalawang isip tuloy ako kung mangkukulam ka ba talaga.” Natawang tugon ng babae sa kanyang sinta.

“Siguro dahil espesyal akong mangkukulam sa amin. Ako kasi ang kaunaunahang lalake sa angkan namin ayon sa ina ko.” Turan ni Bermulo.

“Mainam na rin iyon ng hindi ka mapagdudahan at nang malaya tayong makapagsimula ng buhay dito sa bayan na ito.” Napangiting tugon pa ni Rosandra.

Naghanap ng matutuluyan sa araw na iyon ang dalawa. Araw ng Da-ong, marami ang mga mangangalakal na dumayo sa bayan kaya walang bakanteng paupahan silang nakita. Nakaramdam na ng kalam ng sikmura si Rosandra, kaya iniwan ito saglit ni Bermulo sa karwahe para humagilap ng makakain. Huminto ang dalawa malapit sa pantalan. Dagsaan nga ang mga tao roon. Hindi mahulugang karayom sa sobrang siksikan ng mga ito. Mga nagtitinda at mga mamimili, nagkalat lang sa tabi-tabi. Napadako ang pansin ni Bermulo sa nagtitinda ng ulam at kanin sa gilid ng isang ihawan. Doon na ang tungo nito nang maalala na wala pala itong pambili. Napakamot ito ng baba.

Napuna nito ang mga maliliit na bato sa kanyang paanan. Dinampot niya iyon isa-isa at inilagay sa ka kanyang bulsa. Hawak niya iyon sa kanyang palad tsaka tahimik na umusal ng mahika At nang ilabas na nito ang kamay mula sa bulsa tsaka ibinuka ang palad, wala na ang mga bato. Napalitan na iyon ng mga maliliit na piraso ng gintong salapi. Lumapit na ito sa nagtitinda. Pabalik na ito kay Rosandra bitbit ang nabiling pagkain nang makita nitong pinagkakaguluhan ng mga tao ang babae. Kinabahan si Bermulo kaya patakbo itong tinungo ang kasintahan. Doon nakita nito ang mga malalalim na kalmot sa mga braso at balikat ng babae. Napunit din ang manggas ng suot na bestida. Pansin sa mukha ni Rosandra ang matinding takot. Isang dambuhalang buwitre’ ang muntikan ng tumangay sa babae. Mabuti na lang at maraming tao doon kaya naitaboy nila ang ibon bago pa man naisama nun si Rosandra.

“Hindi makakatawid ang mga mangkukulam, ngunit hindi iyon problema sa aming mga alaga. Marahil padala iyon ni ina upang ipaalam sa akin na sinusundan niya tayo.” Sabi ni Bermulo sabay napakunot ng noo.

Bawat mangkukulam ay may kanya-kanyang alaga. Sila ang nagsisilbing tenga at mata ng mga mangkukulam upang huwag malantad sa mata ng tao ang kanilang katauhan. Taga bantay at proteksyon din sila minsan.

May pag-aalala na si Bermulo sa kaligtasan ni Rosandra sa kamay ng kanyang mga kalahi. Isang matandang babae ang nakilala ng dalawa na inalok ang bakante nilang lupain sa dulong bahagi ng Verdalez. Binili iyon ni Bermulo sa halaga na hiling ng matanda. Doon nagtayo ng simpleng tahanan ang dalawa at nagsama bilang ganap na mag-asawa. Lumipas ang ilang mga buwan na hindi na nararamdaman ng dalawa ang presensya ng mga mangkukulam. Kaya napanatag na rin ang loob nilang mag-asawa.

Buntis na noon si Rosandra at kapanganakan na nito.

Kabilugan ng buwan nun nang gisingin si Bermulo ng masamang panaginip. Napabangon ito at lumabas ng bahay nang mapansin nito mula sa himpapawid ang isang dambuhalang buwitre’. Lumapag ito sa harapan ni Bermulo at agad na nagsalita sa boses ng isang babae. Kilala ni Bermulo ang boses na iyon.

“Lukresha?!” Sambit ni Bermulo.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Lukresha at agad na ibinalita sa lalake ang sinapit ng ina nitong si Bruhita dulot ng matinding pagluluksa sa pagtalikod ni Bermulo sa kanya. Kinalungkot ni Bermulo ang nangyari sa ina, at narinig iyon ni Rosandra.

“Sige na mahal, puntahan mo na ang ina mo. Sa huling sandali man lang makahingi ka sa kanya ng kapatawaran. Batid ko ang pagmamahal mo sa kanya. Huwag mo akong alalahanin, hihintayin parin kita rito. Hihintayin ka namin ng magiging anak natin.”

Niyakap ng mahigpit ni Bermulo ang asawa at hinalikan nito sa labi ,pati na ang sinapupunan nito tsaka nagpaalam itong babalik agad. Sumama sa malaking buwitre’ si Bermulo. Nag-iwan naman ng luha sa mga mata ni Rosandra ang paglisan ng lalake. Pagkalapag nila Bermulo sa kanilang kaharian agad nitong tinungo ang silid ng ina. Ngunit bago paman ito nakalapit doon sinalubong na ito ni Lukresha na humahagulgol na ng iyak. Agad nitong niyakap si Bermulo at nagwika.

“Hindi ka na nahintay pa ng ina mo Bermulo. Bumigay na ang kanyang katawan. Isinuko niya na ang kanyang kapangyarihan. Wala na ang ina mo. Nilisan niya na ang kanyang trono “

Nagpatakbo na umiiyak ang lalake habang sinasambit ang paghingi ng patawad sa ina. Niyakap nito ng buong higpit ang wala ng buhay na ina. Hanggang sa unti-unti nang lumuwag ang pagkakayapos nito. Na puspos na parang kandila ang katawan ni Bruhita. Nanuyot ito tsaka nadurog na parang marupok na bato. At tuluyan na ngang naging pino na parang alikabok. Inihip iyon ng hangin at tinangay palabas ng bintana ng silid. Tanging naiwan na lang sa mga braso ng lalake ang makintab na sedang kulay ube na damit ng ina.

Wala na si Bruhita at nangangailangan ng panibagong tagahalili ang trono. At bilang nag-iisang anak ng punong mangkukulam itinalaga si Bermulo upang maging sunod na tagamuno ng kanyang mga kalahi. Hindi iyon matanggihan ni Bermulo dahil iyon ang nakaukit sa kanya palad. Ngunit wala sa kanyang pamumuno ang kanyang atensyon. Hindi nito mawala-wala sa isip ang naiwang asawa. Nais niya na itong balikan ngunit wala pa ang seremonya ng pagputong ng korona sa kanya. Kaya nanatili pa ito nang ilang mga araw doon habang hinihintay pa ang muling pagsibol ng daktol na buwan.

Hirap nang kumilos si Rosandra dahil kabuwanan na nito. Ngunit kinakailangan niyang magpatuloy alang-alang sa kanyang anak. Naglalaba ito sa malapit na ilog sa likod lang din ng kanilang bahay nang makaramdam ito ng hilab at pananakit sa kanyang tiyan. Manganganak na ito. Napahiga sa lupa si Rosandra dahil sa tindi ng sakit na nararamdaman. Isang napakalaking kuwagong puti ang dumapo sa paanan ng babae at bigla na lang itong nagsalita.

“Huminga ka lang ng malalim at iire mo lang ang sanggol. Wala akong alam sa kung paano manganak ang tao pero sa tingin ko para lang din itong pangingitlog. Kaya sige na, ire lang. Huwag mong pigilan.” Saad ng kuwago.

Sa hirap ng kalagayan ni Rosandra hinang-hina na ito. Nakarating kay Bermulo ang nangyayare sa asawa dahil sa mga kaibigan nitong Lambana. Hindi kayang maghintay lang doon ni Bermulo habang naghihirap ang asawa kaya lumabas ito ng Lapuk at pinuntahan si Rosandra. Inabutan nito ang asawa na hinang-hina na talaga ngunit hindi pa nito nailalabas ang kanilang anak. Isang matamis na ngiti ang namutawi sa labi ni Rosandra nang makita sa tabi nito si Bermulo.

“Nagbalik ka mahal ko.”

“Oo mahal, kaya huwag ka nang matakot kasama mo na ako. Tutulungan kitang mailabas ang anak natin.”

“Huwag mong papabayaan ang anak natin mahal.”

Ang huling sinabi ni Rosandra at nawalan ito ng malay, kasunod nun ang iyak ng isang sanggol. Laking galak at tuwa ni Bermulo nang masilayan ang anak. Hawak niya iyon sa kanyang mga bisig nang binalingan nito si Rosandra. Hindi na ito humihinga. Lungkot at saya ang nararamdaman nun ni Bermulo. Lungkot dahil iyon na pala ang huli nilang sandali ng asawa. Saya dahil yakap-yakap na nito ang kanilang anak na babae. At pinangalanan niya itong , Brehilda.

Isinama ni Bermulo ang anak sa Lapuk. Bagay na ikinagalit ng lubos ni Lukresha. Wala na nga itong kaagaw sa lalake, ngunit tila hindi naman siya nito mapapansin dahil sa anak nila ni Rosandra.

“Kailangan ng sanggol ng isang ina Bermulo, mahirap magpalaki ng bata, lalo na at babae.” Wika ni Lukresha nang lapitan nito si Bermulo habang pinapatulog sa bisig nito ang anak.

“Nariyan naman si Bukaw, tutulungan niya ako sa pag-aalaga kay Brehilda.” Tugon ni Bermulo.

“Isang kuwago? Sa isang ibon ipagkakatiwala ang anak mo? Hindi inakay ang anak mo Bermulo. Bakit hindi ka maghanap ng panibagong babae na tatayo bilang bagong ina ni Brehilda.” Ani pa ng babae.

“Si Rosandra lang ang babaeng mamahalin ko.At kung sakaling iibig man ako, sisiguraduhin ko na ang pipiliin ko ay ang babaeng kayang mahalin ang anak ko at ituring na kanya.”

“Ako” ang walang pag-aalinlangang pag-alok ni Lukresha sa kanyang sarili.

Ginawa ni Lukresha ang lahat upang mapansin ito ni Bermulo. Hindi nagtagal nagbunga ang itinanim ng babae. Inasawa ito ng lalake at sila ay nagpakasal sa seremonya ng mga mangkukulam. Wala pang isang buwan nabuntis agad si Lukresha.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.