Tag: akosimarl
Sa Barangay Tandang Sora na binansagang Ikalawang Tondo ng Metro Manila ay may isang pangalan lang na sapat para magtago ang mga multo sa kalsada: ang "Prince of the Slums."
Pero sa likod ng kanyang maangas na bansag at nakamamatay na aura, may isang lihim na kayang magpaiyak sa kanya: allergy siya sa English.
Nang sabihin sa kanya ng syota niyang Hapon na "I'm going back to the Philippines," awtomatikong nag-malfunction ang utak ng ating bida. Ang tanging naisagot ng kanyang natatarantang dila? "Uy. Pilipins!" Ang mas malala, naisip niyang ito na ang perfect time para mag-propose.
Pero paano ka luluhod para kunin ang kamay niya kung ang alam mo lang na English ay "Ay Fayn Tenkyu" at "Lab Yu!"
Pumasok sa eksena ang ultimate nightmare niya: si Kirby, isang tutor na ang tanging sandata ay makapal na pasensya. Magsisimula ang madugong bakbakan ng matigas niyang dila sa pag-aaral ng "Graham" at "Ponetiks".
"Ayusin mo. F..."
"Ep."
"Hindi Ep, F...may hangin na naiiwan. F..."
"Effff...." talsik laway siya.
Matutuloy pa ba ang kasalan, o tuluyan nang dudugo ang ilong ng Prince of the Slums bago pa man niya masabi ang "Wil yu meri mi?"
#akosimarl
Minsan na ba nating naitanong sa ating sarili kung sino tayo bago ang kasalukuyan nating buhay? Pinanganak ba tayong dukha o marangya? Isa ba tayong simpleng mamamayan, isang matalino, imbentor, o isang nilalang na minsang humawak ng kapangyarihan? Isang hari, reyna, prinsipe o isang sundalo?
Si Cali ay isang estudyanteng ilang taon nang minumulto ng mga panaginip. Mga panaginip na hindi niya maipaliwanag, ngunit ramdam niya na may koneksyon sa buhay niya sa nakaraan.
Sa isang paglalakbay patungong Cordillera, tutungo sila sa Ifugao para sa isang pag-aaral, isang buwang pananatili upang pag-aralan ang kultura, tradisyon, at pamumuhay ng mga katutubo.
Ngunit para kay Cali, ang paglalakbay na ito ay higit pa sa akademikong layunin.
Sa lugar na ito, makikilala niya ang isang misteryosong mumbaki na pinaniniwalaan niyang makakasagot sa mga tanong na matagal nang gumugulo sa kanya. Ngunit paano kung ang bawat ritwal at bulong ng mga mumbaki ay hindi lamang bahagi ng pag-aaral, kundi pagbabalik ng isang kasaysayang pilit na binaon ng panahon?
Hanggang saan handang lumaban si Cali para sa isang pag-ibig na hinubog ng tradisyon at sinubok ng tadhana?
#akosimarl



