loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Against Every Reason

Against Every Reason

prettyysss · 14 chapters · 35,838 words

DISCLAMER

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, and incidents are either the products of author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

Do not distribute, publish, transmit, modify, display, or create derivative works from or exploit the contents of this story in any way. Please obtain permission.

PLAGIARISM IS A CRIME.

This is the first installment of Hacienda Series.

Enjoy reading! ;)

Date Started: April 17, 2026. Date Finished: [On-going]

Simula

“Nasaan kayo banda?” sambit ko habang naglalakad palabas ng Ninoy Aquino International Airport. Kausap ko sa cellphone ang kapatid kong lalaki na si Ken, short for Kenjie.

Ramdam na ramdam ko ang init sa aking balat kahit na natatakpan naman iyon ng damit ko. Napailing ako habang nakangisi ng maalalang summer nga pala ngayon sa Pinas. Kailan nga ba ang huli kong tungtong sa lupang sinilangan?

Sa totoo lang ay hindi ko na din alam.

It’s been years since I left this country. Maraming rason kung bakit ako umalis ng Pilipinas. Napapikit ako habang pilit winawaksi sa aking isipan ang mga masasakit at masasalimuot na bagay na nangyari habang ako’y nasa Pinas.

Napabuntong hininga ako. Nandirito ka Santi para maglibang, para makasama muli ang pamilya mo, at higit sa lahat ay para mag saya. Ngumiti ako atsaka nagpatuloy sa paglinga para hanapin si Ken.

Hindi naman nagtagal ang paglinga ko dahil sa hindi kalayuan ay natanaw ko si Camille, asawa ni Ken. Kumaway siya sa akin habang abot tenga ang ngiti. Binalik ko ang pagkaway at ngiti sa kanya.

Lumakad ako papalapit. Tulak-tulak ko ang cart na siyang pinagpapatungan ng mga maletang dala ko. Balak ko kasing mag-stay ng kahit isang buwan dito sa Pilipinas.

Nang makalapit ay binigyan niya ako ng isang mahigpit na yakap na siyang ginantihan ko.

“Grabe, Ate! Sobrang na-miss ka namin, lalo na ng mga bata.” ani niya matapos naming maghiwalay sa pagyayakapan. Pinagmasdan niya ako atsaka mahinang pinisil ang kamay ko.

“I miss you all, so, so much! Nasaan si Ken?” sambit ko. Bigla naman siyang nagtipa sa kanyang cellphone atsaka nagsalita.

Tinawagan pala ’yung kapatid ko.

“Papunta na daw siya dito, Ate. Hindi na kasi siya bumaba para mabilis daw maisakay ’yung mga gamit mo sa kotse.” paliwanag niya. Napatango-tango naman ako. “Hindi ka tumatanda, Ate. Lalo kang gumanda.”

Napailing na lang ako ng dahil sa huli niyang sinabi. Bolera din talaga ’tong tunay. Hindi ko na siya nasagot ng biglang may pumaradang itim na kotse sa aming harapan. Napangiti naman ako ng makitang si Ken iyon. 

Bumaba siya sa sasakyan at mabilis na naglakad sa gawi namin ni Camille. Nang makalapit ay binigyan niya ako ng nangungulilang yakap. Gumanti naman ako. Grabe, na-miss ko din talaga itong kapatid ko.

“Nakakamiss ka, kapatid!” nakangiting sambit niya.

Matapos ang pagyayakapan ay tinulungan niya ako sa mga gamit ko atsaka kami bumyahe pauwi sa aming bayan…. ang bayan kung saan nagsimula at natapos ang lahat. Malalim akong napabuntong hininga.

“Napaaga yata ang uwi mo, Ate? Akala ko sa mismong araw pa ng debut ka uuwi.” tanong ni Ken sa gitna ng aming byahe.

“Hindi, ah! Ngayon talaga ang balak ko na umuwi. Gusto ko din talagang mapahinga bago ’yung debut ng kambal.” paliwanag ko. Napatango tango naman siya.

Bigla namang sumingit si Camille. “So, hanggang kailan ka mag-stay dito sa Pinas, Ate?”

“Pinapaalis mo na ba ’ko agad?” biro ko na siyang kinatawa naming tatlo.

Nagpatuloy ang pag-uusap namin. Doon muna ako tutuloy sa bahay nila pansamatala. Matagal na kasing naibenta ’yung bahay na nabili ko years ago. Nalaman ko din na baka hapunan na magpunta sina Benjie ang bunso kong kapatid at ang asawa nitong si Malena, sabay-sabay na daw sila ng mga bata.

Kinamusta ko naman ang mga anak nilang sina Kai, Crysh, at Kenzo. Si Kenzo lang daw ang nasa bahay dahil may pasok pa si Kai at may lakad naman si Crysh. Hindi na ako nagsalita kaya tumahimik na ulit ang loob ng sasakyan.

Nang makarating kami sa bahay nila ay sumalubong sa amin si Kenzo, nagmano ito sa akin na siyang ginantihan ko ng isang halik sa pisngi. Napakacute na bata, iba din talaga ang face card ng pamilya namin.

Nang matapos ang pagkakamustahan ay nagpaalam na ako sa kanila atsaka dumiretso sa guest room na magsisilbing kwarto ko habang ako’y narito sa bayan ng San Pablo na ngayon ay San Rafael kung tawagin. Agad akong dinalaw ng antok ng makahiga ako sa kama. Hindi na ako nag abala pang magpalit ng damit o maghilamos man lang dahil sa tindi ng antok na nararamdaman.

Bandang hapon ng magmulat ako ng mata. Tumayo ako at kinuha ’yung pouch na may lamang mga skincare ko sa maleta. Dumiretso ako sa banyo para mag-ayos. Naghugas ako ng mukha, nagpahahid ng mga dapat ipahid, at nagsipilyo na rin. Nagpalit na din ako ng maayos na damit. Nang matapos ay saka ko inayos ’yung mga gamit ko sa maleta para hindi ako mahirapan pang kunin ang mga ’yon kapag may kailangan ako.

Hindi naman nagtagal ay natapos ko ang mga kailangan kong ayusin. Nagpasya akong bumaba at naabutan ko ang mag asawang abala sa pagluluto ng kakainin naming hapunan. Hilig kasi talaga ni Camille ang pagluluto, sa katunayan ay may maliit silang delivery food business. Napansin naman nila ang prisensya ko kaya sabay silang napatingin sa akin.

“Pahiram ako ng susi ng kotse mo.” ang sambit ko kay Ken. Nagtataka naman ako nitong tinignan.

“Saan ang punta mo, Ate? Gusto mo ba samahan kita?”

“Hindi na. Dadalaw ako kay Lola.”

Dahil sa narinig ay hindi na siya nagsalita at basta na lamang inabot sa akin ang susi ng kotse niya. Kinuha ko iyon at nagpaalam sa kanila saka naglakad palabas ng bahay nila. Nang makasakay ako sa kotse ay pinaandar ko ito papunta sa puntod kung saan nakalibing ang Lola Tes. Nagpatugtog din ako upang kahit papano ay maibsan ang pangungulilang nararamdaman ko sa yumaong Lola.

I sighed as I remembered our wonderful memories together. It has been fifteen years since she left us. I wouldn’t be where I am today if it weren’t for her. She was the best Lola.

Hindi ko namalayan na nanggilid na pala ang mga luha sa mata ko. Agad kong pinunasaan iyon dahil alam kong hindi niya gusto na lumuluha ako ng dahil sa kanya.

“I miss you, Lola Tes. Look, maayos na kaming magkakapatid. Sana maayos ka din diyaan, sana hindi ka na nahihirapan pa diyaan, at sana rin ay masigla ka na diyaan. At nga pala, ’La… masaya na ako, totoong masaya.” napahikbi ako habang nakatitig sa lapida niya at nakaupo sa damuhan.

Tumayo ako atsaka siya binigyan ng isang matamis na ngiti. Pagtalikod ko sa kanya ay halos atakihin ako sa puso ng dahil sa isang matandang babae. Tinititigan ako nito na siyang nagpakunot ng aking noo. Matatakot na sana ako ngunit bigla siyang ngumiti.

“Ikaw nga! Ikaw nga iyan, Santi.” anito.

Kinilala ko siya dahil parang pamilyar ang mukha niya. Hindi naman nagtagal ay nakilala ko kung sino ang babaeng nasa harapan ko. Dati naming kapitbahay, kung saan kami lumaki nina Ken at Ben.

“Kayo ho pala, Aling Myrna.”

“Oo. Jusko! Hindi nagbabago ang mukha mong bata ka. Napakaganda mo pa rin, hija. Mas gumanda pa nga sa totoo lang.” nakangiti niyang sambit.

Napangiti ako at nagpasalamat.

“Kamusta ho kayo? Si Marco po ilan na po ba ang anak?”

“Naku, iyon tatlo na ang apo ko sa kanya. Pero nakukutuwa naman ang bata na ’yon dahil kahit papaano e nagtagumpay sa buhay kaya nakaalis na din kami sa dati nating lugar. Nakakapanghinayang lang at hindi ikaw ang naging manugang ko. Naalala ko na naman tuloy. Type na type ka ng anak na iyon dati, e kung sabagay marami talaga ang nagkakagusto sayo nong kabataan mo.”

Napangisi ako habang naiiling sa huli niyang sinambit. Tumagal ng ilang minuto pa ang pag-uusap namin. Nalaman ko din na dinalaw niya pala ’yung puntod ng asawa niya dahil kamatayan nito ngayon.

“Oh siya, sa susunod na lang ulit tayo magkamustahan dahil mukha ka pang maraming gagawin. Dumalaw ka sa bahay kapag may libre kang oras, ha!”

“Opo, paalam po. Mauuna na ho ako.”

Doon natapos ang pag uusap namin. Nag-drive na ulit ako pabalik sa bahay. Medyo madilim na ang daan kaya mas binilisan ko ang pagpapatakbo ng kotse. Nang makabalik sa bahay nina Ken ay may naririnig na ’kong ingay. Mukhang nandiyan na sina Benjie at ’yung mga bata.

Naglakad ako papasok. Pagkabukas ko ng pinto ay sabay sabay silang napahinto sa mga ginagawa at nagulat ako ng magtakbuhan sa akin ’yung mga babae kong pamangkin.

“Tita Santi!!! Acckk, I miss you so much huhu. You’re as beautiful as ever!” si Brianna. Isa sa kambal na anak ni Benjie.

“OA talaga siya e.” si Brielle, ang kakambal niya. Inagaw ako nito kay Brianna para yakapin.

“Tabe nga, mga ’te. Ako naman ang yayakap kay Tita Santi. Tutal kami naman ang magkasing ganda.” sambit ni Crysh sabay yapos sa akin. Niyakap ko naman siya pabalik habang natatawa.

“Papansin din talaga ang kupal.” singit ni Kenzo. Napansin niyang napatingin ako sa kanya kaya napayuko siya. “I’m sorry po, Tita.”

“Ayan kasi Kenzo, six seven!” si Bryant atsaka tinaas baba ang kamay, bunsong anak ni Benjie. Nagmano ito sa akin at humalik sa pisngi ko.

“Hello po, Tita. We literally missed you, especially me.” Brix suddenly said with his timid smile. I smiled at him and kissed his cheeks.

“Welcome back, Tita.” biglang bati ni Kai sabay yakap sa akin. Niyakap ko naman siya pabalik habang tinatapik ang kanyang likuran.

“Kamusta ang college life?”

“Surviving po, Tita.” natatawa niyang sabi.

Binalingan ko naman ang iba kong pamangkin atsaka sila isa isang kinamusta. Kanya-kanya naman silang kwento kaya mas naging magulo ang sala. Sinabi ko rin na marami akong pasalubong sa kanila kaya dumoble ang ingay. Ilang minuto din kaming nagkamustahan at kulitan hanggang sa nagpaalam akong pupuntahan ko muna ang mga parents nila sa kitchen.

Habang naglalakad ako ay kitang kita ko na ang masayang mukha ng mag asawang Benjie at Malena. Nang makalapit ay bumeso sila parehas atsaka namin inumpisahan ang kamustahan.

“Ganda natin ngayon, ah? Kamusta ka, Ate?” sabi ni Benjie na siyang inirapan ko lang bago magsalita.

“Ganon pa din naman, busy sa business. Kayo kamusta ang farm niyo?”

Si Malena ang sumagot.

“Medyo marami ang gawain, Ate. Lalo nitong mga nakaraang araw at ang daming nagpapadeliver ng gulay. Eh, hindi naman makapagdeliver sa mga lugar na sobrang layo kasi halos doble ang tinaas ng gasolina ngayon.”

“Jusko! Totoo ’yan, sis. Kaya nga ako nagtaas ng konti sa delivery fee at sa ibang putahe dahil ang mahal din ng gasul. Grabe na ang crisis sa Pinas.” singit ni Camille.

“E, pa’no nga mga sakim ang namumuno kaya imbis na gawan ng paraan ay sinasamantala pa ng mga hayop.” sabi ni Benjie.

“Kaya nga dapat bumoto ng matalino at bumoto ng matalino.” ani kong may ngiti sa labi.

“Kahit bumoto kami ng matalino, Ate, kung ’yung mga ibang tao ay iyon at iyon pa rin ang binoboto, naniniwala pa rin sa mga sinasabing kasinungalingan ng mga hayop— ay wala din. Lalayo pa ba tayo? E, dito nga lang din sa lugar natin hanggang ngayon ang mga gagong Estreñella pa rin ang namumuno. Madami pa rin talaga silang mga nauuto.” mahabang litanya ni Ken sabay napailing. Mahina naman siyang tinapik ni Camille sa braso.

Natahimik kami at walang gustong magsalita. Nakita ko naman ang gulat sa mata ni Ken, akma siyang magsasalita ng biglang basagin ni Camille ang katahimikan.

“Uhm… nagugutom na ba kayo? Kain na siguro tayo. Sandali tatawagin ko lang ’yung mga bata. Nang makainom na din. Namiss kong kainuman ’tong mga sister-in-law ko e.” aniya saka pilit na tumawa.

“Tama, tama. Kain na ng masimulan— arayy!” si Benjie ng hampasin siya ni Malena sa braso.

“Diyaan ka magaling, sa alak.”

Natawa na lang kami sa asta nilang dalawa. Nagkatinginan naman kami ni Ken at halata sa mata niya ang paghingi ng pasensya. Umiling at ngumiti ako tanda na wala iyon sa akin. Mabilis namang nawala ang pangamba sa mukha niya.

Dumating ang mga bata sa hapagkainan kaya sinimulan na namin ang pagkain. Tawanan dito at kulitan diyaan ang nangyari. Pasimuno si Benjie at ang bunso niyang anak na si Bryant, manang mana sa kalokohan ng ama niya. Kahit papaano ay nawala ang ilangan sa naging usapan kanina.

Nang matapos kami sa pagkain ay napagpasyahan naming sa pool side na kami mag inuman dahil nais din ng mga bata na maligo kahit gabi na at malamig ang tubig. Palibhasa ay mga bata pa kaya kayang kaya pa ang ganitong eksena.

My 40s self could never.

Naabutan namin ang mga babaeng pamangkin ko na mga abala sa kani-kanilang cellphone habang tumutugtog ang mga iyon. Mga naka one-piece swimsuit din sila na siyang kinailing ng mga kanya-kanya nilang tatay. Natawa naman ako.

Lumapit ako sa gawi nila para makichismis.

“Girls, ano ba ’yang ginagawa niyo?” ang tanong ko. Sabay-sabay naman silang napatingin sa akin na may mga ngiti sa labi.

“Thirst trap, Tita.” sagot ni Crysh.

“Kami namin tranmission este transition po, Tita.” ani Brielle at sabay silang tumawa ni Brianna.

Tumango na lang ako kahit na hindi masyadong nauunawaan ang mga sinabi nila. Ganito na talaga siguro kapag kwarentahin. Napalingon naman ako sa gawi ng boys at kanya kanya din silang hawak sa cellphone, mukhang naglalaro. Si Kai naman ay mag isang nag iihaw ng hotdog at barbeque habang may ka-video call sa cellphone.

Binalingan ko na lang ulit ang mga kapatid ko at mga asawa nila. Naka set up na din ’yung lamesa kaya naupo ako sa bakanteng upuan.

“Tignan mo ’to. ’Di ba gusto mo ng anak na babae, ayan nag adjust naman si Crysh tapos ngayon nakukunsumi ka.” natatawang saad ni Camille. Kaya natawa din kaming iba na nasa lamesa.

“Oo nga, kaso kung sino pa ’yung nagpakababae siya pa ’tong matigas ang ulo.” naiiling na sabi ni Ken.

Yes, Crysh is also a transwoman. Buong akala nga namin ay tatlong lalaki ang magiging anak ni Ken kaso nag adjust si Crysh. Halos wala ka ng makitang bakas ng pagkalalaki sa kanya kahit na lately lang siya nag-start uminom ng pills. Magtataka ka pa ba e sa panahon ngayon ay isang pindot lang sa internet may mabibilhan ka ng HRT na pwedeng mong gamitin sa pagtatransition, hindi kagaya noon. Pero lagi ko siyang pinagsasabihan na tamang dosage lang dahil it really takes time and patience para makita ’yung results. Hindi naman magic ang HRT. Gamot siya, gamot.

“Tignan mo manang mana sayo, Kuya. Inaaway ’yung kapatid niya.” natatawang sabi ni Benjie. Napatingin naman kami kay Crysh at nakitang nag aasaran sila ni Kenzo.

“Tama sa kanya talaga ’yan nagmana.” si Camille.

“Ganyan din siya dati, laging inaaway si Benjie.” banggit kong nangingiti.

“Ayon! Ganyanan ah, pinagtulungan pa nga nila ’ko.”

Napuno ang lamesa ng tawanan. Nag inuman kami pero beer lang naman ang iniinom nila habang ako ay wine. Binalikan namin ang nakaraan kung paano sila mag-away, mapalo, at mapataas ang presyon ni Lola. Natatawanan na lang namin ang ganitong bagay ngayon. Ang saya, masaya sa puso.

Maya-maya ay nagsiligo din sila kami sa pool kasama ang mga bata. Picture dito, video diyaan ang nangyari. Pasimuno syempre ang mga babaeng bata, lalo na si Brianna. Very kikay ’yan sha.

Naloka pa ako ng ayain ako ng mga bata na mag Tiktok. Wala naman akong nagawa kung hindi ang makisali dahil lahat silang magpipinsan ay pinilit ako. Nakailang sayaw kami at meron pang kasali ang mga magulang nila.

Alas onse ng matapos kami at umuwi na din ang mag asawang Benjie at Malena. Naiwan naman ang mga anak nila dahil gusto daw nila mag sleep over dito.

Habang nagpapagpag ako ng kama ay biglang pumasok ang mga pamangkin ko pwera kay Kai. Kumunot naman ang noo ko dahil may dala dala silang sofa bed. Napangiti ako kalaunan ng mapagtanto ang gusto nilang mangyari. Nakasuot na sila ng kani-kanilang pajama. Pero ako at si Crysh ay nighties dress.

“Can we sleep here, Tita Ganda?” si Bryant. Tumango tango naman ako. Nilatag nila ang kutson sa lapag at buti na lamang ay malaki pa ang space kaya nagkasya iyon.

“Ano ’yang nasa ulo mo, Crysh? Para kang si Jewel in the Palace.” natatawa kong sambit.

“Hair roller ’to, ’ta. Para wavy po ang hair ko tomorrow. I have errands kasi.” sagot niya.

“Kaartehan mo kasi, ayan basag ka kay Tita.” pang aasar ni Kenzo habang tumatawa. Inirapan naman siya ni Crysh.

“Ded is ma. Panget!”

Nagsi-ayos sila ng pwesto at tabi-tabi ang girls and boys. Napatitig pa ako ay Brianna dahil may face mask pa siyang suot-suot, si Brielle ay may hawak na ice cream. Habang ang boys ay may kanya kanyang hawak na chips.

“Bro, lets play.” pag-aya ni Brix kay Kenzo. Tinanguan naman iyon ng huli.

“Rara!”

“Kuya, sali ko!” si Bryant.

“Kung mag iingay lang kayo dito doon na lang kayo sa kwarto ni Kenzo matulog.” suway ni Brielle sa mga lalaki. “Makikipagkwentuhan kami kay Tita e.”

“Hayaan mo na sila diyan, Brielle.” saad ko. Dinilaan siya nina Kenzo at Bryant. Sumibangot naman si Brielle.

“Anyway, I have some chika to you, Tita. You know what itong si Crysh. Mayroong may gusto sa kanyang anak ng politiko sa school. He’s gwapo naman and matalino. Ewan ko kung bakit binasted nitong si Crysh. Not once, but twice.” panimula ni Brianna.

“Correction! Not only twice, but thrice!” sabay na saad ni Brielle at Crysh. Nagulat naman ako.

“Really?! Bakit hindi ko alam ’yon?! Oh my fuc— goodness gracious! Totoo ba?!” maarteng sabi ni Brianna.

“Over naman sa react, teh!” sagot ni Crysh. “I have reasons why I keep turning him down. Unang una, hindi ko siya type. Pangalawa, he’s so good to be true. And lastly, like what you’ve said… anak siya ng politiko.”

“Oh? Anong masama naman doon kung anak siya ng politiko. E, hindi naman korap ang pamilya nila. Totoo nga niyan they’ve been serving the city constantly kaya hindi talaga kita gets kung bakit ayaw mo sa kanya.” nakangiwing saad ni Brianna.

“Bakit trabaho naman talaga nilang pagsilbihan ang bayan. Atsaka, kahit hindi korap ang pamilya nila ngayon hindi mababago non na naging korap ang mga ninuno niya. Aside from that, I’m against political dynasty. Hindi na nabago ang namumuno sa bayan natin dahil sa pamilya nila. Ginawa na nilang negosyo ang politika.” paliwanag ni Crysh sabay irap.

“Ate Crysh has point, Ate Brianna. At kung iintindihin mong mabuti, mauunawaan mo ang punto niya.” biglang sabi ni Brix.

Napalingon naman kami sa kanya. Hindi siya nakatingin sa amin at seryoso lang siyang naglalaro sa cellphone habang magulo ang dalawang niyang kalaro.

“Whatever!”

“How about you, Tita. Do you think Crysh has point or pointless sha? Cheka!” sambit ni Brielle.

“Well, kung ibabase natin doon sa pag-reject niya sa lalaki. Hindi ko masasabi kung may point siya o wala pero kung base doon sa mga sinabi niya about politics, I agree with her.” sagot ko. Nakita ko naman ang pag ngisi ni Crysh kay Brianna.

“Tita Ganda, inabutan mo po ba na ang namumuno sa town natin ay ’yung lolo nila Kuya Casimiro?” pagtatanong bigla ni Bryant.

“Sino si Casimiro?” lito kong tanong.

“The man rejected by Ate Crysh.” sagot ni Kenzo. 

Napatango tango ako atsaka mahinang napabuga sa hangin. Umayos ako ng upo bago binuka ang bibig para magsalita.

“Yeah, si Don Paeng ang mayor nong mga bata pa kami nila Daddy niyo.”

“Don?!” sabay-sabay nilang sabi.

Naguguluhan naman akong tumango.

“Yeah. Don kasi tawag namin sa kanya— o mas ng nakakarami, tapos Senyorita naman ang tawag sa asawa niya. Atsaka hindi din naman kasi kalayuan ang hacienda ng mga Estreñella kung saan kami nakatira dati. Siguro, mula dito sa bahay na ’to hanggang sa may 7 Eleven sa kanto.”

“OMG! Nakaka-fantasy naman ’yung Don at Senyorita. Can you make kwento about your teenage year, Tita. Sa buhay niyo nila Daddy, Tito Ken, even your kilig moments. Please!” sambit ni Brianna

Tumili naman sina Brielle at Crysh. Nagulat tuloy ’yung mga batang lalaki. Bago pa bumuka ang bibig ko ay bumukas ang pintuan ng kwarto at niluwa non si Kai habang nakapantulog na damit na rin.

“Ano pong meron, Tita? Are they gonna sleep here?” anitong kunot noo ng makita ang pwesto ng mga nakababatang kapatid at pinsan. Nasagot naman ang tanong niya ng magsitanguan ang mga ito. “Then, I’m gonna sleep here too.”

“Start the kwento na po, Tita Ganda.” saad ni Bryant na sinang-ayunan ng lahat.

Pinagmasdan ko sila. Nakatingin silang lahat sa akin at nag-aantay na bumuka ang bibig ko para magkwento. Napahinto na din pala sa paglalaro ’yung mga boys, na kahit si Brix na wala masyadong kibo ay nag aantay sa sasabihin ko. Malalim akong napabuntong-hininga at matamis na ngumiti.

“Fine. Let’s start the story from about… twenty five years ago .”

01

“Santi, pagkatapos mo nga diyaan ay pumarine ka lang!” dinig kong sigaw ng Lola Tes.

Napakamot naman ako sa likod ng ulo ko dahil hindi pa nga ako natatapos sa paghugas ng pinggan ay mukhang may panibago na naman itong ipag-uutos.

Napabuntong hininga ako matapos banlawan ang huling plato na aking hinuhugasan. Nagpunas muna ako ng basang kamay sa kapirasong tela na nakasabit sa itaas ng lababo bago naglakad sa kwarto kung nasaan si Lola Tes.

Bago ako makapasok sa kwarto ni Lola ay natanawan ko pa ang kapatid kong si Ken na tumatawa sa kung ano man ang kanyang pinanunuod sa TV.

Napailing na lang ako habang pinagmamasdan siya. Grabe talaga ang angkin niyang katamaran dahil kanina pa siya nakahiga diyaan sa kawayang sopa. Bakit kaya ako pa ang tinawag ni Lola e kanina pa ’to walang ginagawa si Ken.

Pinagkibit balikat ko na lang ang nasa isip atsaka patuloy na naglakad kung nasaan si Lola. Inabutan ko siyang naka-upo sa ibabaw ng kama habang may talim ang tingin sa akin. Nagbigay iyon ng kaba sa dibdib ko dahil alam kong galit siya, mukhang makukurot na naman ako. May pagka-strikta kasi ang Lola kaya ganon na lamang ang takot naming magkakapatid sa kanya.

“L-lola… may iuutos po ba kayo?” may halong kabang pagtatanong ko.

“Wala. Gusto ko lang alamin kung kailan ka pa umiinom nito.” aniya sabay pakita sa akin ng isang kahon ng gamot.

’Yung pills ko.

Ang kaninang kumakabog kong dibdib ay mas dumoble sa pagkabog ngayon dahil sa tanong ni Lola. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, kung ano ang dapat kong isagot sa tanong niya. Magsisinungaling ba ’ko o sasabihin ko na ang totoo?!

“Oh bakit hindi ka makasagot diyaan, Santi? Kailan ka pa umiinom nito? Kailan ka pa nagpasyang magpalaki ng susó?” ulit niya. May halo ng diin ang bawat salita niya kaya napapalunok akong yumuko.

Nag isip ako kung ano ba ang dapat kong sabihin habang marahang pinaglalaruan ang mga daliri ko- at sa huli ay napagpasyahan ko ng sabihin sa kanya ang totoo. Wala ng rason para itago ko pa ang pag-inom ko ng pills.

Lumunok ulit ako bago nagsalita.

“Magdadalawang buwan na po ngayong buwan, Lola.”

Tiningnan ko siya matapos sabihin iyon. Hindi ko mabasa ang ekspresyon sa mukha niya. Mabigat siyang napabuntong hininga habang hinihilot ang sintido at nakapikit.

“Apo…. hindi pa ba sapat na hinayaan kitang maging bakla? Bakit gusto mo pang magkasusó? Kailangan ba talagang baguhin mo pa ’yang katawan mo? Hindi ka ba natatakot sa pinaggagawa mong ’to? Kasalanan ang baguhin ang anyo, apo.” mahaba niyang litanya.

Napapikit ako at napabuntong hininga.

“Lola, paano naman po naging kasalanan ang i-ayon ang katawan ko sa sinasabi ng puso’t isipan ko? Isa pa, bakit naman ho ako matatakot e wala naman po akong tinatapakan na ibang tao. Hindi po ba, kayo po ang nagturo sa akin na ang pinakamahalagang bagay sa mundo ay ang magpakatao…” paliwanag ko at binigyan siya ng isang matamis na ngiti. “Sa tingin ko po, hindi naman po mababawasan ang pagiging makatao ko dahil lang umiinom ako ng pills.”

Tinitigan niya ako atsaka nag ikot ng mga mata.

“Bahala ka sa buhay mo, Santi. Basta kapag may nangyari sayong masama dahil sa pag inom mo ng mga gamot na ’to ay hahayaan lang kita. Tutal malaki at matanda ka naman na!”

Hindi ako kumibo. Pinagpagan naman niya ang kutson kung saan siya nakaupo ngayon bago inayos ang katawan sa paghiga.

“Oh siya, sige na, lumabas ka na. Matutulog muna ko at sumakit ang katawan ko sa paghalo ng champorado kaninang umaga.”

“Sige po, ’la.”

Sinara ko ang pintuan ng kwarto pagkalabas ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa naging pag-uusap namin ni Lola. Matanda na siya kaya hindi ko gusto na nai-stress pa siya ng dahil sa akin o sa amin. Kaya lang wala naman talaga akong nakikitang mali sa ginagawa kong pag-inom ng pills.

Matutulungan ko pa din naman siya sa pagbebenta ng pagkain kahit naman uminom ako non.

Araw-araw may binebentang pagkain si Lola, salitan kung ano ang ibebenta niya para daw hindi manawa ang mga tao. Halimbawa ngayon nagtinda kami ng agahan, bukas naman ay meryenda. Pagtitinda ang hanapbuhay ni Lola, ’yung kinikita niya doon ang tumataguyod sa araw-araw naming pamumuhay.

Si Lola Tes na ang tumayong magulang namin dahil matagal ng patay ang tatay naming lasinggero habang hindi naman namin alam kung nasaan ang nanay namin. Isang araw ay nagpaalam siyang may pupuntahanan lang pagkatapos ay hindi na siya nagpakita pa. Si nanay ang anak ni Lola Tes kaya simula nong iwan niya kami ay kinupkop na kami ni lola.

“Ano napagalitan ka ni lola, ’no? Nagpapalaki ka pa ng dede, ha! Kabaklaan mo talaga!” biglang sabi ni Ken habang nakangisi. Tinignan ko siya at binigyan ng isang matalim na tingin.

“Huwag ka na ngang umepal diyan, manuod ka na lang diyan tutal iyan lang naman ang alam mong gawin.” saad ko atsaka siya inirapan.

Hindi niya pinansin ang sinabi ko pero nakangisi pa rin siya habang sarap na sarap sa kinakaing mangga. Inirapan ko na lang ulit siya. At akmang maglalakad na ako paalis ng biglang bumukas ang pintuan namin sa harap ng bahay.

“Sinong nagpapalaki ng dede? Si Kuya Santi?” si Benjie, bunso naming kapatid. Una siyang tumingin sa akin bago kay Ken, kaya pagharap niya kay Ken ay bigla siyang ngumiti. “Uy, mangga! Penge ako, Kuya Ken!”

“Huu! Doon ka nga! Timawa ka ba?” sambit ni Ken habang tinutulak palayo si Ben. “Doon ka na nga sabi ang asim mo, amoy kang araw!”

“Uy, tumigil na nga kayo diyan. Huwag kayong mag-ingay at baka magising si lola, tiyak makukurot na naman kayong dalawa sa singit.” panunuway ko.

“Penge ako!”

“Ayoko! Magbalat ka doon ng sayo!”

Napailing-iling na lang ako habang pinagmamasdan silang magtalo dahil sa mangga.

“Ano ba ’yan, ha?! Natutulog ako ang ingay niyo! Tumigil kayo, ha! Huwag niyong hintaying lumapit ako diyan!”

Rinig naming sabi ni Lola Tes, kaya bago pa ako madamay sa pagkurot sakanila ni lola ay naglakad na ako papunta sa likod bahay. Balak ko ipagpatuloy ang pag i-ekspiremento sa paggawa ng sabon. Ito ang isa sa hilig kong gawin kapag may libre akong oras, natutunan ko ito nong bata pa ako habang pinapanuod ko si nanay. Kaya lang ay hindi ko pa makuha ’yung tamang formula sa pagbuo ng sabon dahil malabo ’yung alaala ko sa paggawa niya noon.

Habang abala ako sa paggawa ng at pagluto ng formula ay bigla na lang akong may narinig na bumaswit.

“Psst! Bading!”

Si Rebecca o Rebreb kung tawagin, bestfriend ko. Ngumiti ako sa kanya kaya nakangiti siyang lumapit kung nasaan ako.

“Nag i-experiment ka na naman? Hindi mo pa rin ba nakukuha ’yung tamang formula?” sambit niya na inilingan ko, nag ikot naman siya ng mata. “Tapusin mo na ’yan at mag ihaw-ihaw tayo sa kanto.”

“Tara, tapos naman na din ako. Pero magpapalit muna ko ng t-shirts.”

“Huwag na, bading! Maganda ka naman na kaya ayos na ’yang suot mo.”

Nagsalubong naman ang kilay ko ng dahil sa sinabi niya. Ngumuwi ako atsaka pinakita sa kanya ’yung mga basa at dumi sa suot kong damit.

“Sandali lang naman ako, maghintay ka diyan.”

Hindi ko na siya hinayaan pang magsalita. Tinalikuran ko siya habang natatawa. Dumiretso ako sa kwarto kung saan kami natutulog dalawa ni Ken. Walang tao doon kaya mabilis akong nagpalit ng t-shirts. Nang maisuot ko na ’yung damit ay tumapat ako sa malaking salamin na nandirito sa loob ng kwarto.

Pinagmasdan ko ang sarili ko.

Marami ang nagsasabi na kahawig ko si nanay kaya kahit na hindi pa ako umiinom ng pills noon ay napagkakamalang babae ako- lalo na noong bata-bata pa ’ko. Pero siguro minsan dahil din sa kilos kong may pagkamalamya, kaya napagkakamalang babae ako.

Alam naman natin sa panahong ito dapat kapag lalaki ay tigasin ka. Pero hindi ako lalaki, babae ako sa puso’t isipan ko.

Kaya ipapagpatuloy ko ang pag inom ng pills dahil kailangan kong i-ayon ang katawan ko sa sinasabi ng utak at puso ko. Napapansin ko na medyo nagkakalaman na ’yung dibdib ko, pero hindi lamang ’yon… parang lumalambot ang balat ko at kumikinis ang morena kong kutis. Habang ang buhok ko naman ay umabot na hanggang sa ilalim ng baba. Long hair ako para sa isang lalaki, at short hair naman para sa isang babae. Napangiti ako sa nakikitang pagbabago ng itsura ko.

Nang masiyahan sa ayos ay lumabas na ako para puntahan si Rebreb at ayain ng mag-meryenda.

“Nalaman na pala ni Lola Tes?” saad niya habang ngumunguya ng isaw. Napatango tango naman ako sabay sawsaw sa plastic cup na hawak ko. “Anong sabi niya? Nagalit ba?”

“Hindi naman, pero hindi din siya natutuwa.”

“E alam na pala ni lola, ituloy na natin ang pag-train ko sayo para makasali ka na sa mga Miss Gay.” singit ni Mader Pao, ang mama-mamahan ng mga bakla sa San Pablo.

Bestfriend siya ng nanay ni Rebreb kaya kami nagkakilala. Napabuga ako sa hangin ng dahil sa sinabi niya.

“Ewan pa, Mader Pao. Malabo pa po kasi ’yung pag-uusap namin ni lola kanina. Ayoko naman po na pati pagsali ko sa Miss Gay ay pagtalunan pa namin. Kilala niyo naman po ang lola kung paano magalit, baka palayasin na lang ako non bigla sa bahay.” paliwanag ko.

Umiling-iling siya atsaka napahipak sa hawak niyang sigarilyo sabay buga ng usok sa hangin.

“Oh basta, kapag ayos na kay lola mo na magpaka-babae ka na ng tuluyan ay sabihin mo sa akin agad. Tingnan mo si Basha sunod-sunod ang taytel, mukhang masusungkit din niya ’yung title sa Biyernes, Miss Gay San Pablo 2001. Fifteen kyaw din ’yon, sabi ko nga sayo- bread and butter din ang Miss Gay lalo kung panaluhin ka.”

Tumango na lang ako sa mga sinabi niya.

“Ay, oo nga pala piyesta na sa Linggo. Manuod tayo non, Santi.” pag-singit bigla ni Rebreb. Napabaling naman ang tingin ko sa kanya. “Tsaka ang balita ko ay dadating si Senyorito Lucio, ’di ba crush mo ’yon?”

Napahagigik siya sa huling sinambit kaya mahina ko siyang hinampas sa braso. Napakadaldal talaga ng babae na ’to. Nabunyag na tuloy na humahanga ako kay Senyorito Lucio.

Sinumpak ko muna ang huling isaw sa plastic cup na hawak ko at tinungga ko ’yung suka bago nagsalita. Humarap ako kay Rebreb.

“Sige sige, pero paalala ko lang sayo na hindi ko na crush si Senyorito Lucio. Isa pa, isang beses ko lang naman nakita ’yon at bata pa ’ko ng mga panahon na ’yon, ilang taon na din kaya ang lumipas. Atsaka baka mamaya may asawa na ’yon.”

“Gaga! Bente uno palang ’yung tao, pinag-asawa mo naman agad. Bata pa siya, bakla!”

Nagulat naman ako sa sinabi niya dahil hindi ko alam iyon, gaya nga ng sabi ko- isang beses ko lang naman siya nakita. Kaya ko lang naman din siya naging crush dahil noon lang ako nakakita ng ganoong ka-gwapong lalaki. Pero teka, hindi pala ganon kalayo ang agwat ng edad namin, dise otso na ako at magdi-dise nuebe ngayon taon.

E ano naman ngayon, Santi?! Mga boses sa utak ko.

Napailing iling ako at kinagat ang pang ibabang labi dahil sa naisip. Buti na lang din ay nagsalita ulit si Mader Pao kaya napunta ang atensyon ko sa kanya.

“Teka nga maiba ’ko, Santi. ’Yung usapan natin sa pills mo, ha. Kapag naubos mo ’yung tatlong kahon na binigay ko sayo sa susunod ay may bayad na. Hindi pa naman ako mayaman para sponsoran ka ng pills.”

Tumango tango ako.

“Opo, Mader Pao. Pero pwede po bang may discount?” sabi ko na may matamis na ngiti sa labi. Napangisi naman si Rebreb sa tabi ko habang tumatango tango bilang pagsang-ayon sa sinabi ko.

“Jusko! Napakagaling mo talagang tumawad bata ka. Sige sige!”

Napatili kami ni Rebreb dahil sa narinig. Tumalon talon pa kami na parang tanga kaya inirapan kami ni Mader Pao. Nang humupa ang kasiyahan namin sa katawan ni Rebreb ay pinagpatuloy na namin ang pag-uusap at pagkain hanggang sa matapos.

Nang makauwi kami ay dumiretso ako sa kusina para mag-saing ng kanin. Inabutan ko naman si lola na nagluluto na ng ulam namin ngayong hapunan.

Hindi naman nagtagal ay naluto na ang pagkain kaya tinulungan ko na si lola maghain. Buti na lang din ay nandito na si Ken at Ben, hindi ko na sila kailangan pang sunduin sa lansangan. Isa sa mga ayaw kasi ni lola ay ’yung hindi kami sabay-sabay kumakain.

Tahimik akong ngumunguya ng mapansin kong nagsisikuhan si Ken at Ben. Napatingin naman ako kay lola, hindi niya napapansin ’yung dalawa dahil abala siya sa pagkain. Binalik ko ang tingin sa dalawa, nakatingin sa akin si Ken kaya pinanlakihan ko siya ng mata.

Hindi ako makapagsalita dahil isa sa pinaka-ayaw ni lola ang nagsasalita o nag-uusap habang kumakain. Lagi siyang may patpat na manipis na nakapatong sa lamesa kapag kumakain kami. Kapag narinig niyang may bumuka ang bibig sa amin ay hindi na siya mananaway pa, basta ka na lamang niyang hahampasin. Ilang beses na rin akong napalo ng patpat na iyon, ganon din si Ben. Pero ang pinakamadalas mahampas ay si Ken.

Natapos naman ang pagkain namin ng hapunan na payapa. Habang nagliligpit ako ng pinagkainan ay biglang nagsalita si lola.

“Ikaw ang maghugas ng pinggan ngayong gabi, Kenjie.” aniya na nagpakamot sa ulo ni Ken.

“Lola, naman. Si Kuya Santi po ang nakatoka ngayong gabi bakit ako ang maghuhugas ng pinagkainan?” pangangatwiran niya habang nakasibangot. Maka-ilang ulit din siyang napakamot sa likod ng ulo.

“Parusa ko ’yan sayo dahil ilang beses ka ng ginagabi sa lansangan.” sagot ni lola habang matalim ang mata kay Ken. “Sinasabi ko sayo, isang beses pang maulit na umuwi ka ng dis-oras ng gabi- sa labas na kita papatulugin.”

Hindi na kumibo si Ken kaya nangingiti akong naglakad sa lababo para ibaba ’yung mga plato. Matapos ay dumiretso na ako sa banyo para maglinis ng katawan. Wala naman na pala akong gagawin, napahagikgik ako dahil nalibre ako sa gawain ngayong gabi. At dahil masaya ako ay mabilis akong natapos sa paglilinis ng katawan.

Habang nagpapahid ng lotion sa buong katawan ay biglang bumukas ang pintuan ng kwarto. Napalingon ako at niluwa noon si lola.

May hawak-hawak siyang isang supot na hindi ko alam kung ano ang laman. “’La, ano po ’yang dala-dala niyo?”

Hindi siya sumagot bagkus ay lumapit siya sa pwesto ko. Naupo siya sa kama kung saan kaharap niya ako. Naguguluhan naman akong napatingin sa kanya. Nag-uulyanin na ba ang lola? Pero sixty two palang siya, ang aga naman yata kung gano’n.

Bumuntong hininga siya bago nagsalita.

“Santi, apo ko. Talaga bang gusto mong magpaka-babae na ng tuluyan?”

Nagulat ako sa tanong niya dahil buong akala ko ay tapos na kami sa pag uusap na ’yon kaninang umaga. Malumanay akong tumango sa tanong niya. Pinaupo niya ako sa kanyang tabi atsaka hinagod ang ulo ko.

“Sige, hindi na kita pipigilan pa sa gusto mong gawin diyan sa katawan mo. Dahil may punto ka naman sa mga sinabi mo kanina. Pero may isa lang akong hihilingin sayo.” saad niya.

“Ano po iyon, ’la?”

“Kung sakaling dumating ang panahon na iibig ka. Huwag na huwag kang gagaya sa nanay mo. At huwag kang pipili ng lalaki na kagaya ng tatay mo.”

Nagsalubong ang mga kilay ko sa sinabi niya. Naguguluhanan kung bakit niya sinasabi sa akin ang mga bagay na ’to.

“’La, bakit naman po bigla niyong nasabi ’yung mga bagay na ’yan?”

“Dahil natatakot ako, Santi… natatakot ako para sayo. Malupit ang mundo sa mga kagaya mo, lalo na sa usaping pag-ibig.” saad niya. Napansin kong nanubig ang gilid ng mga mata niya- kaya ang naguguluhang mukha ko kanina ay biglang lumambot. “Mangako ka sa akin, apo. Susundin mo kung ano ’yung mga sinabi ko.”

Hinawakan ko siya sa mukha gamit ang dalawa kong kamay. Hinaplos ko ang dalawang pisngi niyang may bahid na ng katandaan gamit ang mga hinlalaki kong daliri.

“Pangako po, ’la. Pangako….”

02

“Ano ba ’yang kabaklaan na ginagawa mo, Kuya Santi?”

Napahinto ako sa pagsusukat ng mga damit na binigay sa akin kanina ni lola nang marinig ko ang boses ni Ken. Inilapag ko ang hawak na bestida bago siya hinarap.

Magkasalubong ang mga kilay niya ng balingan ko. Tila hindi natutuwa sa kung ano man ang ginagawa ko ngayon. Tinaasan ko siya ng kilay.

“Mga lumang damit ni mama. Binigay sa akin ni lola kanina.” nakangisi kong sabi. Mas lalo tuloy nagsalubong ang mga kilay niya. “At oo, pinapayagan na ako ni lola na magpakababae ng tuluyan.”

Nauumay siyang umiling.

“Tangina, laladlad ka na talaga? Hindi ka ba nahihiya? Ano na lang ang sasabihin nila sayo- samin ni Benjie? Na may kuya kaming bakla?”

“Ano bang pakealam niyo sa sasabihin nila, Kenjie?! Sila ba ang nagpapakain sa inyo? At ano ngayon kung lumadlad ako? Bakit nahihiya ka bang may bakla kang kuya?

“Oo! Dahil nakakahiya naman talaga ang maging bakla!” may halong pandidiri niyang sabi bago ngumisi. “Tingnan natin, sa susunod isa ka na rin sa mga baklang chumuchupá sa kan-”

Bumaling ang mukha niya pakaliwa at hindi na natapos ang dapat niyang sasabihin dahil malakas ko siyang sinampal sa pisngi. Nanginginig ko siyang dinuro habang ramdam ko ang galit mula sa puso ko ng dahil sa pang-iinsulto niya.

“Kuya mo pa rin ako, Kenjie! At kung hindi mo ’ko kayang respetuhin bilang kapatid mo… respetuhin mo ’ko bilang tao.”

Umigting ang panga ko matapos sabihin iyon. Nanginginig pa rin ako sa galit kaya pilit kong pinakalma ang sarili ko. Hindi siya kumibo, bagkus ay naglakad siya palabas ng kwarto at padabog na sinarado ang pinto.

Kasabay ng pag-upo ko sa kama ay ang pagtulo ng mga luha sa mata ko. Ngayon lang kami nag-away at nag-sagutan ng ganito kalala ni Kenjie- kaya humihikbi akong nahiga sa kama at doon nilabas lahat ng sama ng loob na nararamdaman ko.

Nakatulog ako na mabigat ang dibdib. Nang magising ako ay umaga na. Niligpit ko muna ang higaan at binuksan ang bintana dahil maliwanag na sa labas.

Naglakad ako palabas at naabutan si Lola Tes na nagluluto, mukhang naghahanda na siya ng mga paninda para mamaya sa meryenda.

“Oh, Santi apo.” sabi niya ng mapansing ang presensya ko. “Kumain ka na muna ng agahan at tinanghali ka na ng gising. Pagkatapos mo ay saka mo ako tulungan sa pag-gayak ng mga paninda natin mamaya.”

Tumango tango ako sa tinuran niya at ginawa ang nais niya. Habang kumakain ay nilibot ko ang paningin ko, hinahanap kung nasaan ang magaling kong kapatid na si Kenjie. Sa paglinga ay hindi ko naman siya natanawan, mukhang nasa lansangan na siya. Napabuntong hininga ako ng malalim.

Matapos kong kumain ay tinulungan ko na nga si lola gaya ng gusto niya. Palitaw ang ibebenta namin kaya medyo masusi ang paggawa ko. Pero hindi naman nagtagal ay natapos din kami ni lola.

Bago pa sumapit ang tanghalian ay umuwi na din ang dalawa kong kapatid, mga pawis na pawis dahil sa init. Sa hapag kainan ay hindi naman mapapansin na may hindi kami pagkakaintindihan ni Ken dahil tahamik nga lang kung kami ay kumain. Mainam na din dahil ayokong malaman pa ni lola ang naging pagtatalo namin kagabi.

Mabilis na lumipas ang oras kaya ay heto kami ngayon ni lola, naglalako sa gitna ng kalsada habang sumisigaw siya ng ‘meryenda kayo diyan’. Mabuti na lamang din kamo at mabenta ang palitaw namin dahil halos maubos na ’yung panindang ginawa niya para sa araw na ’to.

“Salamat, Bebe.” aniya sabay abot ng palitaw kay Aling Bebe. Ngumiti naman ang huli bago nag-abot ng bayad.

“Tamang tama ang dating niyo, Manang Tes. Hindi pa nagmemeryenda ’yung mga anak ko.” anito atsaka kumagat sa isang pirasong palitaw.

Sumilay naman ang isang ngiti matapos niyang tikman iyon. Napangiti din ako sa naging reaksyon ng mukha niya.

“Panalo talaga ’tong palitaw ninyo, Manang.” dagdag pa niya. “Bilhin ko na nga ’yang natitira nang makauwi na din kayong mag lola.”

Nagpasalamat ako bigla sa huling sinambit niya.

“Salamat po.”

“Pero teka, maiba nga ako, Bebe. Ano ba ’yung ginagawang gusali malapit doon sa baranggay?” kunot noong tanong ni lola.

“Ay hindi ko alam, pero ang sabi-sabi ng mga chismosa diyan sa kapitbahay ay center daw. Mga Estreñella ang nagpapatayo.”

“Mainam kung gano’n. Sana nga ay center para naman may malapit ng pagamutan dito sa lugar natin.” si lola, mababakas mo ang saya sa tono ng boses niya. “Osya, sige na. Maraming salamat sa pag-ubos ng paninanda namin. Sa susunod ulit.”

Ngumiti sa amin si Aling Bebe na siyang ginantihan namin ni lola. Nagpasalamat pa ulit ako sa huling pagkakataon atsaka kami naglakad ni lola pauwi ng bahay.

Nasa gitna kami ng daan ng magsalita ako.

“’La, punta po muna ako kina Rebreb.” ang paalam kong sabi. Tinitigan naman muna ako nito ng mabuti bago sumang ayon.

“Sige, pero umuwi ka ha bago magdilim. Dumaan ka na din kung saan naglalaro ’yung mga kapatid mo.”

Mabilis akong tumango.

“I-uuwi ko muna ’tong mga pinaglagyan ng paninanda, maaga pa naman kaya baka mag bingo muna ko kina Gina.”

Iyon ang huli niyang sinabi bago kami naghiwalay sa daan. Nang marating ko ang bahay nina Rebreb ay walang tao kaya pumunta ako kina Mader Pao, nagbabakasakaling nandoon siya. At hindi naman ako binigo ng tadhana dahil inabutan ko siyang nagpapagupit ng buhok.

Matatapos na siya ng abutan ko kaya napagdiskitahan nila ni Mader Pao na ako naman ang gupitan. Nag-alangan pa ako dahil balak kong pahabain ang buhok ko, pero agad namang sinabi ni Mader Pao na hindi naman panlalaking gupit ang gagawin. Kaya sa huli ay wala akong nagawa kung hindi ang sumang ayon.

Dahil lagpas baba na ang haba ng buhok ko. Hindi na masyadong iniklian ni Mader Pao ang pagputol. Binawasan niya lang iyon ng konti at sinabing short layered bob daw ang tawag. Wala naman akong alam sa mga gupit pang babae kaya hindi na ako kumibo pa.

Biyernes ng umaga at hindi pa rin kami nagkikibuan ni Ken. Napagpasyahan rin ni Lola Tes na huwag muna magtinda. Ang balak niya ay sa Linggo na mismo magtinda dahil marami daw ang mamimili no’n at piyesta nga. Kaya heto kami ngayon ni Rebreb, nagtitingin tingin kung ano ang pwedeng mabili dito sa tiangge.

“Oh ito, Santi, bilhin mo ’to para kapag lalong lumaki ’yang dede mo ay hindi bumakat ang utong mo.” si Rebreb. Tinapat niya sa dibdib ko ang hawak-hawak niyang baby bra.

“Luka ka, Reb. Ibaba mo nga ’yan at pinagtitinginan tayo ng mga tao.” ani ko habang nahihiyang napailing.

Nilibot niya ang mata sa paligid atsaka napangiwi ng makita ang sinabi ko. Mukhang nahiya naman siya dahil sa ginawa kaya mahina akong natawa.

Binili ko na rin ’yung hawak-hawak niyang bra at nagpadagdag pa ako ng ilan dahil mura lang naman iyon. May punto naman kasi ’yung sinabi niya.

Naglibot pa kami sa iba. Bumili din kami ng mga pang ipit sa buhok, mga kolorete sa mukha na pwede daw niyang magamit para mamaya dahil gusto niyang maganda siya pagnanuod kami ng Miss Gay sa bayan. Siya lang ang bumili dahil hindi pa naman ako marunong maglagay ng make-up, saka na siguro kapag natuto na ako.

Pero syempre ay hindi siya pumayag kaya binigay niya sa akin ’yung isang lip gloss na nabili niya. Tinanggap ko na lang iyon at sinabing gagamitin kapag may dinaluhan kaming okasyon.

Matapos ang masaya naming pamimili ay naupo kami sa isang malamig na pwesto habang kinakain ang nabili naming pugo at palamig.

“Kailan ulit ang pasukan niyo?” basag ko sa katahimikan. Lumingon naman siya sa akin bago uminom sa kanyang palamig.

“Sa June.” tipid niyang sabi.

“Nakaka-inggit ka, Reb. Dalawang taon na lang ay tapos ka na sa kolehiyo habang ako ay mukhang hanggang pagtitinda na lang.”

Pinilit kong magmukhang masaya ang boses pero hindi ko nagawa dahil may kumawala pa rin lungkot dito.

“Huwag mong masamain ang pagtitinda niyo ng pagkain, Santi, dahil marangal naman ’yung ginagawa niyo. Atsaka malay mo naman, diyan kayo swertehin.”

“Hindi ko naman minamasama ang pagtitinda namin, Reb. Pero alam mong marami akong pangarap para sa sarili at pamilya ko. Isa doon ang makapagtapos ng pag-aaral. Isa pa, matanda na din ang lola. Alam kong nahihirapan na siya pero wala lang siyang magawa dahil kailangan naming kumain sa araw-araw.”

Natahimik siya.

High school lang ang tinapos ko dahil wala namang pera pampaaral sa akin si lola ng kolehiyo. Mahal ang bayad ng matrikula sa kolehiyo kaya kahit na gustuhin ko man na makapagtapos ay hindi ko magawa dahil sa kakulangan sa pera. Pero ang sabi naman ni lola sa akin ay baka sa isang taon ay sapat na ’yung naipon niya para makapag-aral ako. Basta makapasa lang din daw ako sa scholarship.

Dalawang taon na akong nahinto sa pag-aaral pero alam kong kaya pa rin ng utak ko kung sakaling may ibibigay na pagsusulit.

Napatingin ako kay Rebreb, ngumunguya siya habang nakatingin sa kawalan. Kung siya nga ay nahinto din ng isang taon sa pag-aaral ay nakapag-aral ulit, kaya hindi malabong mangyari din sa akin iyon. At kung dumating man ang pagkakataon na iyon ay hinding hindi ko iyon sasayangin.

“Tara na, Santi. Baka mapagalitan ka pa at hindi payagan mamayang gabi manuod sa bayan.” biglang sabi niya na nagpabalik sa akin sa reyalidad.

Ngumiti ako at tumango.

“Halika na.”

Nang makauwi ay nagluto agad ako ng tanghalian. Naglinis din ako ng buong sala at likod bahay para kapag nagpaalam ako kay lola na aalis mamayang gabi ay hindi na siya magbunganga pa at payagan na lang ako.

Habang naglilinis ako ay napapansin kong lumalapit lapit sa pwesto ko si Ken. Hindi ko siya pinapansin at hinihintay kung may sasabihin ba, na siya namang hindi nangyari kaya pinagkibit balikat ko na lang.

Sa kabilang banda ay tahimik na nagbibilang ng teks niya si Benjie, napansin ko namang mas dumami iyon kaya alam kong nanalo na naman siya. Isa iyan sa kinababaliwan niyang laruin ngayon sa labas kasama ’yung mga anak ng kapit-bahay namin.

Kinagabihan bandang alas syete, matapos naming kumain ay agad akong naghugas ng pinggan. Hindi pa ako nagpapaalam kay lola kaya gano’n na lamang ang kalabog ng dibdib ko dahil baka hindi siya pumayag, masasayang lang lahat ng kasipagan ko ngayong araw.

Nakatayo ako ngayon sa harap ng pintuan ng kwarto niya kung saan sila natutulog ni Benjie. Malalim akong napapabuntong hininga habang pinaglalaruan ang mga daliri ko.

Magpapaalam ka lang manuod ng Miss Gay, Santi. Hindi ka magtatanan. Napailing ako, at dahil sa naisip ay napagpasyahan ko ng buksan ang pinto atsaka pumasok sa loob ng kwarto nina lola.

“’La…”

“Oh, apo. Bakit?” salubong ang mga kilay niyang tanong, mas lalo tuloy akong kinabahan.

“Papaalam po sana akong manunuod ng palabas sa bayan… kasama ko naman po sina Rebreb at Mader Pao.”

Mababanaag ang kaba sa boses ko kahit na pinilit kong maging normal ang tono. Nagtaas naman siya ng kilay bago tumayo sa pagkakahiga at lumapit sa gawi ko. Tinitigan niya ako pagkatapos.

“Nang ganyan ang itsura mo? Aba’y, magpalit ka man lang ng damit mo, Santi.”

Natahimik ako, pero ng lubos maunawaan ang kanyang sinabi ay masigla akong ngumiti at mabilis na tumango tango.

“Opo, ’la. Huwag po kayong mag-alala. Uuwi po kami ng ligtas.”

“Dapat lang. At huwag na kayo masyadong magpagabi ha!” tumango tango ulit ako. “O sige na, mag-iingat kayo.”

“Opo.”

Masaya naman akong napapunta sa kwarto at mabilis na nagpalit ng damit. Nang matapos ay nakita ko pa si Ken na nanunuod sa sala. Hindi ko na lamang siya binigyang pansin at masayang lumabas ng bahay.

“Buti nalang talaga ay pinayagan ka, Santi. Tingnan mo mabuti ’yung mga kandidata. Angat na angat ang itsura ni Basha.” sambit ni Mader Pao. Nakatingin siya sa pwesto kung nasaan si Basha.

Hindi pa nagsisimula ang pageant. Naghahanda palang ang mga kandidata. Nabaling naman ang tingin ko kay Basha dahil sa tinuran ni Mader Pao.

Totoo ang sinabi niya. Angat na angat si Basha sa ibang kandidata. Mula sa maganda niyang mukha, balingkinitang katawan, hanggang sa makinis at napakaputing balat. Babaeng babae siya kung titignan at pagmamasdan. Sana dumating ang araw na maging kasing ganda niya din ako.

“Pero ’di ba retokada ’yung ilong niya?” biglang sabi ni Rebreb. Nagulat naman ako dahil ngayon ko lamang nalaman iyon.

Binalingan siya ni Mader Pao.

“Oo, kaya nga itong si Santi ay wala na masyadong kailangan ipagawa dahil maganda na siya kahit walang pang retoke.”

Napatango tango si Rebreb atsaka ngumiti sa akin. Nahihiya naman akong napayuko dahil sa mga papuri nila. Pero hindi pa sapat ang lakas ng loob ko para sumali sa ganitong klase ng patinpalak, lalo na at hindi naman ako sanay sa maraming tao.

Bigla naman kaming nahinto sa pag-uusap nang maghiyawan ang mga tao. Napunta doon ang atensyon namin. Buong akala ko ay mag-uumpisa na ang kontes pero may bigla palang dumating na isang lalaki, may kasama din itong mga bodyguards.

Malaking ngiti ang nakapaskil sa mukha niya habang bumabati at kumakaway sa mga tao. Nagsalubong ang dalawang kilay ko dahil parang pamilyar ang mukha nito sa akin.

“Hurado pala si Senyorito Lucio? Kailan pa siya bumalik dito sa lugar natin?” wala sa huwisyong sambit ni Rebreb.

“Ang alam ko ay no’ng isang araw lang. Napakagwapo nga e, artistahin ang dating. Ganyan ang mga tipo ko- mestizo pero alam mong may pagka-bad boy.” nakangiti na may halong kilig na sambit ni Mader Pao.

Hindi ko pinansin ang mga sinabi nila, bagkus ay binalik ko ang tingin kung nasaan si Senyorito Lucio.

Pinagmasdan ko siya. Ibang iba na ang itsura niya mula sa dati niyang itsura. Kung dati ay sakto lang ang katawan niya, ngayon ay halos masira ang suot niyang damit sa bandang manggas nito dahil sa namumutok niyang masel. Mas tumangkad at mas naging mestizo din siya. Umangat naman ang tingin ko sa maamo niyang mukha.

Tama si Mader Pao. Iba ang dating ng kagwapuhan niya dahil kahit na mestizo at may pagka-maamo ang mukha- mababanaag pa din ang angas at yabang nito kapag hindi nakangiti.

Mas naging lalaking lalaki ang itsura niya. Mula sa makakapal niyang kilay, matangos niyang ilong, at sa may pagkamapula niyang labi. Mapapansin din ang papatubo na niyang buhok sa ibabaw ng bibig at baba.

Pero ang pinakamapapansin mo sa kanyang mukha ay ang kanyang bilugang mata, malalim iyon at nangungusap. Punong-puno ng emosyon at ekspresyon.

Nanuyot ang lalamunan ko.

Napakalaki ng kanyang pinagbago, ibang iba sa Senyorito Lucio na nakita ko ilang taon na ang nakalipas. Napahawak ako sa dibdib ko, at doon ko lang napansin na kinakabahan ako.

Ngunit nag-iba man ang itsura niya… may isang bagay ang hindi nag-iba- iyon ay ang pagbilis ng tibok ng puso ko dahil sa kanya.

03

“Oh, anong oras na ah. Bakit ngayon ka lang?”

Mga salitang sumalubong sa akin pagkaapak na pagkaapak palang ng dalawa kong paa sa pintuan. Napakagat labi ako sa ilalim kong labi habang hinahanap ang tamang sagot sa tanong ni lola.

“P-pasenya na po, ’la. Nagtagal po kasi ’yung kontes.” panimula ko. Hindi naman siya kumibo kaya nagsalita pa ulit ako. “Uh—hindi po kasi ako makauwi mag-isa dahil madilim na din po sa daan. E, gusto pong tapusin nina Mader Pao ’yung kontes kaya sumabay na po ako pauwi.”

Nakita ko ang pag-ikot ng mata niya sa huli kong sinabi. Ngunit kalaunan ay tumango tango din siya kaya nawala ang kaba ko sa dibdib. Grabe talaga ang takot ko dito kay lola.

Pero totoo ang mga sinabi ko, nagtagal talaga ’yung kontes dahil marami ang sumali ngayong taon sa Miss Gay. Hindi katulad no’ng nakaraang taon. At kung tatanungin niyo kung sino ang nanalo. Syempre ay si Basha, bukod sa maganda na siya ay talagang matalino siya kung sumagot sa tanong. 

“Nga pala bago ako matulog. Ayusin niyong magkapatid ang hindi niyo pagkakaunawaan.” sambit niya na nagpatigas sa buong katawan ko. Hindi ako nakakakibo. “Akala niyo ba ay hindi ko napapansin ang hindi niyo pagkikibuan ni Kenjie? Lola niyo ako, Santi, kaya kabisado ko ang mga galaw ninyo.”

Napalunok ako at napayuko. Tahimik pa rin at pinaglalaruan ang mga daliri ko. Mukhang napansin naman iyon ni Lola Tes kaya nagsalita siya ulit.

“Sige na, matutulog na ’ko. Huwag niyo ng patagalin pa ’yang away ninyo.” sabi niya bago tuluyang tumayo sa pagkakaupo.

“Pero, ’la! Hindi naman po ako ang may mali sa aming dalawa. Pinagsabihan ko lang siya bilang nakakatandang kapatid niya.” katwiran ko. Ramdam ko ang pagsasalubong ng dalawang kilay ko.

“Kesyo, ikaw o siya. Ang gusto ko ay ayusin ninyo ’yang problema niyo. At ikaw na rin ang nagsabi, ikaw ang nakakatandang kapatid kaya mas lawakan mo sana ang pag-iisip mo.”

Huli niyang sambit bago ako iniwan sa harap ng pintuan kung saan ako nakatayo. Malalim akong napabuntong hininga. Mukhang wala akong pagpipilian kung hindi ang makipag-ayos kay Kenjie.

Nakasibangot akong naglakad papasok ng kwarto. At nang makapasok ay nagulat pa ’ko dahil gising pa si Kenjie.

Binalingan ko siya ng tingin kaya nagsalubong ang aming mga mata. Nakabukas din ang bibig niya na parang may gustong sabihin. Tinitigan ko lang siya at tinaasan ng kilay.

“Uhm… K-kuya Santi. So-sorry nga pala sa nasabi ko sayo noong nakaraan. Hindi ko intensyon na mabastos ka o pagsalitaan ng ganoong bagay.” mahaba niyang litanya atsaka napayuko.

Napabuga naman ako sa hangin.

“Basta huwag mo ng uulitin. At sana ay may natutunan ka sa pagkakamali mong nagawa.”

“Oo, natakot lang kasi ako na baka ng dahil diyan sa pagladlad mo ng tuluyan… ay sa susunod isa ka na rin sa mga baklang binabastos diyaan sa kanto.” aniya. Ramdam ko ang lungkot sa bawat salita niya kaya nahabag naman ako.

Lumapit ako sa pwesto niya at bigla siyang niyakap. Ginulo ko ang buhok niya sa ulo kaya natawa ako sa itsura niya pagkatapos.

“Hindi natin mapipigil ang mga tao sa gusto nilang gawin. Sadyang may mga taong makikitid ang utak, kaya kahit na magsuot ako ng pambabaeng damit o hindi. Kung gusto nila kong bastusin ay babastusin nila ’ko.”

Napatango tango naman siya atsaka yumakap ng dahil sa sinabi ko. Narinig ko na parang napahikbi siya kaya napangiti ako. Astigin lang siya tignan pero iyakin din talaga.

“S-sorry ulit, K-kuya Santi.” garalgal niyang turan.

“Wala na ’yon, sige na. Matulog na tayo at inaantok na talaga ’ko.” saad ko habang hinahaplos ang likuran niya.

Nang bumitaw siya sa pagkakayakap sa akin ay nginitian ko siya at muling ginulo ang buhok niya. Nagpahid siya ng luha gamit ang likod ng palad niya at hindi na kumibo. Marahan siyang nahiga kaya naglakad ako para patayin ang ilaw sa kwarto. Matapos iyon ay saka ako nahiga at pumikit.

Linggo, araw mismo ng piyesta.

Ang planong pagbebenta namin ng meryenda ni Lola Tes ay hindi natuloy dahil may lakad siya. Naimbitahan daw siya ni Aling Gina dahil may kaunting handa daw ito. Si Ken naman ay dumiretso na sa bilyaran bago pa mananghalian. Habang si Ben ay mukhang nakikipaglaro na sa labas. Bago pa nga siya umalis ng bahay ay nanghingi pa siya kay lola ng pera pambili daw ng sisiw.

Kaya heto ako, mag isa sa bahay habang nakatapat sa salamin na nandirito sa sala. Kina Rebreb naman ako manananghalian dahil naghanda daw ang nanay niyang si Aling Rica.

May handa din naman kami kaso ay pang mamayang gabi na daw iyon sabi ni lola. Nakatipid kami ng pagkain ngayong tanghalian.

Nang masiyahan ako sa itsura ko ay lumabas na ako ng bahay. Bago tuluyang umalis ay sinugurado ko munang nakakandado ang lahat ng dapat ikandado sa loob ng bahay. Kahit naman wala masyadong mawawala sa munting bahay namin ay mas ayos ng handa kami sa mga posibilidad na mangyari.

Habang nasa kalagitnaan ako ng paglalakad papunta sa bahay nina Rebreb ay may biglang tumawag sa pangalan ko. Kaya dagli-dagli akong lumingon sa likuran.

“Uh—hi, Santi.” pagbati ni Marco habang may ngiti sa labi. Ginantihan ko naman iyon ng isang magandang ngiti din.

“Hello.”

Nagkatinginan kami ng ilang segundo bago siya agarang nagbawi ng tingin. Mukhang nahiya siya dahil kasabay ng pag iwas niya ng tingin ay siyang pagkamot niya sa batok.

“Nasa inyo si Ken?” ako na ang bumasag ng katahimikan dahil bigla siyang nawalan ng kibo.

“Ahm… oo, pinapaaya nga kita sa kanya pero ang sabi niya ay pupunta ka daw kila Rebreb.” sabi niya. Mukhang nahihiya pa din siya dahil hindi talaga siya makatingin sa akin ng deretso.

“Salamat, pero may dumi ba ’ko sa mukha? Kanina ko pa kasi napapansin na hindi ka makatingin sa akin ng deretso.”

Nanlaki naman ang mata niya at napaayos ng tayo. “Uh—wala, wala! N-naninibago lang ako sa itsura mo ngayon, mas lalo ka kasing nagmukhang babae sa gupit mo.”

Ako naman ngayon ang natigilan. Naramdaman ko din ang init sa pisngi ko dahil sa sinabi niya. Ngayon lang kasi ako nakarinig ng papuri mula sa isang lakaki, ’yung tunay na lalaki.

“Salamat.” iyon na lang ang nasabi ko matapos ang ilang minuto kong pananahimik. Ngumiti naman siya bago muling nagkamot ng batok.

“Una na rin siguro ako, Santi. Ingat ka.”

Tumango ako at kumaway sa kanya. Nang makapaglakad siya papalayo ay saka ako malalim na napabuntong hininga. Sa daming beses namin nakapag-usap ni Marco ay ngayon ko lang siya nakitang nahiya ng gano’n. 

Dati rati ay lagi lang naman siya nakangiti kapag kinakausap ako, na lalong nakakadagdag sa kagwapuhan niya. Pero teka lilinawin ko lang—hindi sa gusto ko siya, talagang gwapo lang siya dahil may pagka-singkit ang mga mata niya na bumagay sa moreno niyang balat.

Kaya nagtataka ako kung bakit gano’n na lamang ang reaksyon niya kanina. Sa huli ay pinagsawalang bahala ko na lang at nagpatuloy sa paglalakad papunta sa bahay nina Rebreb.

“Ano nabusog ka ba, Santi? Kumain ka pa marami pa namang ulam doon sa lamesa.” ang nakangiting sabi ni Aling Rica. Ginantihan ko naman ’yon ng isang tango atsaka ngumiti.

“Opo, Aling Rica. Salamat po sa isang masarap na tanghalian.”

“Naku, ’ma. Ini-echos ka niyan ni Santi. Sabi niya sakin kanina ay hindi raw masarap ang luto mo.” pagsingit ni Rebreb sa usapan habang may pilyong ngiti sa labi. Pinanlakihan ko naman siya ng mata dahil sa sinabi niya.

Agad akong lumingon kay Aling Rica habang winawagayway ang kamay sa harapan nito.

“Huwag po kayong maniwala diyan kay Rebreb. Wala po akong sinasabing gano’n. Masarap po ang luto niyo.” paliwanag ko na sinagot lang ng isang tawa ni Aling Rica.

“Kayo talagang dalawa. Oh siya, iwan ko na muna kayo diyaan at huhugasan ko ’yung mga plato sa lababo bago asikasuhin ’yung ibang bisita sa labas. Basta kapag gusto mo pang kumain ay huwag kang mahihiyang kumuha sa lamesa, Santi.”

Nahihiya akong tumango tango. Bwisit ka, Reb!

“Ako na po, ’ma, ang maghuhugas ng mga plato sa lababo. Para naman makapagpahinga ka na ng mabuti.” si Rebreb. Hinaplos naman ni Aling Rica ang buhok niya, napangiti naman ako sa nasaksihan. “Naka-inom na din po ba kayo ng gamot niyo?”

“Kanina pa, anak.”

“Sigurado po kayo, ha?!”

Napakamot sa ulo si Aling Rica dahil sa kakulitan ni Rebreb. Napatawa na tuloy ako ng tuluyan dito sa kinauupuan ko.

“Oo nga. Sige na, iwan ko na kayo diyan. Labas na muna ko.” paalam ni Aling Rica kaya napatango na lang si Rebreb. At iyon ang nag-udyat para maglakad ito palabas ng bahay.

“Kumusta ’yung sakit ni mama mo, Reb?” ang tanong ko ng maiwan kaming dalawa dito sa sala. Lumingon naman muna siya sa akin bago nagsalita.

“Ayos naman siya kahit papaano, Santi. Buti nga hindi na nahihinto ’yung gamot niya.” sagot niya na may konting saya sa boses. “Hintayin mo ko diyan, bakla. Hugasan ko lang ’yung mga plato tapos ay magpunta tayong bayan, sabi kasi ni Mader Pao mas maraming mura ngayong bilihin sa bayan dahil piyesta.”

“Sige.”

At ganoon na nga nangyari. Kaya heto kami ni Rebreb naglalakad sa gitna ng daan, pasalamat na lang din ay hindi masyadong mainit ang panahon. Hindi ko naman kasi alam dito kay Rebreb kung bakit gusto niya pang magpunta sa bayan, e halos kaka-tiangge lang namin no’ng nakaraan.

Pinagsawalang kibo ko na lang dahil mukha din namang masaya magpunta ng bayan ngayon.

Nilibot ko ang paningin sa paligid. May nakasabit na mga banderitas sa poste—patunay na buhay na buhay ang piyesta dito sa San Pablo. Halos lahat ng tao dito sa baranggay namin ay nagsasaya, maraming nagtitinda ng kung ano-anong bilihin, mga batang naglalaro sa paligid, mga kabataan na nagliligawan, at mga matatandang nagkakantahan sa videoke habang may kanya-kanyang hawak na bote ng alak. Napangiti ako, ang saya ng araw na ’to para sa bawat isa.

Dahil abala ako sa paglinga ay hindi ko namalayan na malayo na pala ang nalakad namin ni Rebreb. Bumalik lang ako sa huwisyo ng kalabitin niya ako sa braso.

Nilingon ko siya.

“Bakit?” nagtatakang sambit ko.

“Tingnan mo, bukas ’yung malaking gate sa Hacienda Estreñella.” saad niya sabay turo kung saan.

Napalingon ako sa direksyon kung saan tumuturo ang kamay niya. At doon ay nakita ko kung ano ang sinasabi niya. Malawak na nakabukas ang kulay gintong tarangkahan ng mga Estreñella. Kitang kita kung gaano kalaki at kaganda ang kanilang bahay.

Nakakamangha ang itsura nito. At mula din dito kung saan kami nakatayo ni Rebreb ay makikita ang mga sasakyan na may mga taong bumababa mula dito. Hindi na para pag isipan namin kung ano ang mayroon sa loob. Mukhang nagkakasiyahan din sila ngayong araw, pero ibang iba ang paraan ng kasiyahan nila kung ikukumpara sa aming mga mahihirap.

“May handaan din yata sa loob.” sabi ko sabay lingon may Rebreb. Mukhang namangha din siya sa itsura ng bahay ng mga Estreñella.

Ngayon lang kasi talaga namin nakita ang loob nito. Lagi lang nakasara ang gate nila at hindi mo makikita ang loob dahil may harang mismo ’yung gate.

“Tara, pasok tayo, Santi!” ang sabi ni Rebreb na siyang kinalaki ng mata ko. Mabilis akong umiling iling.

“Ayoko, Reb! Pa’no kapag nahuli nila tayo sa loob? Ipapa-pulis tayo ng mga ’yan. Hindi na tayo menor de edad kaya makukulong tayo kung sakali.”

“Bakla, hindi nila tayo mapapansin niyan dahil mukhang maraming bisita sa loob. Hindi ka ba naku-curious man lang kung ano ’yung itsura ng loob? ’Tsaka, ano kaya lasa ng pagkain ng mga mayayaman.” aniya at ngumisi pa na parang isang baliw kaya napapikit na lang ako.

“Halika ka na, Reb. Maglakad na ulit tayo papuntang bayan. Sige na.” pamimilit ko.

Umiling siya habang nakangisi. At ganon na lamang ang gulat ko ng hitakin niya ’ko papasok sa loob. Nang makabawi ako sa gulat ay nasa loob na kami, akmang maglalakad ako palabas ulit ng may matanawan akong tao kaya dagli-dagli kaming nagtago. Ano ba naman ’to?!

“Lakad ng tahimik papunta doon, bakla. Bilis!” saad ni Rebreb na siyang pinanlakihan ko ng mata at inirapan.

Pero sumunod din ako kalaunan dahil ayokong makita kami ng kung sino man. Ang gilid ng bahay ang dinadaanan namin ngayon. At habang naglalakad kami ng tahimik ay hindi ko naman maiwasan pagmasdan ang paligid ng bahay.

Maraming puno sa paligid kaya kahit na may araw pa ay malamig ang paligid. Tiningala ko naman ang mansyon, mas maganda ito sa malapitan at nakakalula. Hindi kailanman sumagi sa isip o kahit sa panaginip ko man lang na may ganito pala kaganda at kagarang bahay. Sa palabas ko lang nakikita ang mga ganito kagandang mansyon.

Kitang kita mo ang magagara nilang gamit at mga sasakyan. May fountain din sa gitna ng bahay na una mong mapapansin kapag papasok ka sa may malaking pintuan. Habang ang kanilang mga kasambahay ay mga nakasuot pa ng uniporme at abala sa mga kanya kanya nilang ginagawa.

“Kanina pa tayo naglalakad pero hindi pa natin alam kung saan parte ng bahay ’yung kusina.” biglang sabi ni Reb sa kalagitnaan ng paglalakad namin.

“Bakit naman hinahanap mo ’yung kusina, Reb? Huwag mo sabihin sakin na balak mo talagang kumuha ng pagkain nila.”

“Sayang naman kasi ’yung pag-trespassing natin na ’to kung hindi din ako titikim ng pagkain nila.”

Tumawa pa siya bago pinagpatuloy ang paglalakad, sinundan ko naman siya. At maya-maya lang ay may nakita kaming bintana kaya yumuko muna kami bago dahan-dahang sumilip doon.

Nagkatinginan kami ni Rebreb at ngumisi siya. Mukhang ito ang kusina ng mga Estreñella. Sobrang lawak non na mukhang mas malaki pa sa bahay namin. Grabe ang karangyaan ng buhay nila.

“Hintayin mo ko dito, Santi. Papasok ako, kukuha lang ako no’ng pagkain. Mukhang nandoon banda.” aniya saka tumawa. Hinawakan ko siya sa braso para pagilan.

“Nasisiraan ka na ba talaga ng bait, Reb?”

“Alam ko namang natatakot ka kaya nga hintayin mo na lang ako dito. Mabilis lang ako, promise!”

“Bahala ka! Basta bilisan mo lang.” sumusuko kong saad. Napangiti naman siya at inumpisahang akyatin ang bintana.

Nang tuluyan siyang makapasok sa loob ng bintana ay malalim akong napahinga na kanina ko pa pala pinipigilan. Nagmasid ako sa paligid ng tuluyan na siyang makalayo sa paningin ko.

Diyos ko, huwag po sana kaming mahuli.

Sa paglinga linga ko ay napansin kong malapit na pala kami sa likod ng bahay dahil may isang likuan pakanan na tinatamaan ng araw. Kaya makikita mo ang sinag dito, dala ng kuryosidad kung ano ang makikita sa likod bahay ng mga Estreñella ay naglakad ako patungo doon.

Nang halos malapit na ako sa sinasabi kong likuan ay may narinig akong mga boses na nag-uusap. Boses ng isang lalaki at babae, hindi naman malinaw sa pandinig ko kung ano pinag-uusapan nila kaya mas tinuloy ko ang paglakad papalapit doon. Kumapit naman ang kaba sa dibdib ng tuluyan akong makalapit.

Pagkalapit na pagkalapit ko ay dahan-dahan akong sumilip upang makita kung sino ’yung mga taong nandirito sa likod bahay at kung bakit sila nandirito.

Gano’n na lamang ang gulat ko ng makita si Senyorito Lucio at isang babae na hindi ko kilala. Maganda ang babaeng kasama niya, mukha din galing sa marangyang pamilya, at sopistikada kung titignan.

Pinagmasdan ko sila. Magkatitigan sila habang kitang kita sa mga mata nila ang pagkasabik sa isa’t isa. Napalunok ako ng bigla na lang halikan no’ng babae si Senyorito Lucio, pero hindi nagpadaig ang huli dahil agad niyang sinakop ang malalaman nitong pang-upo habang gumaganti sa halik.

Hindi ko alam kung bakit ko sila pinapanuod at kung bakit nanikip bigla ang dibdib ko. Kung gaano ako katagal nakatayo dito habang pinapanuod sila ay gano’n din katagal ang paghahalikan nila.

Maya-maya pa ay bumitaw sa halik si Senyorito Lucio. Ngumisi siya atsaka hinawakan ang ulo ng pababae at ginabayan ito pababa. Nagsalubong naman ang kilay ko sa nasaksihan dahil nakaluhod na ngayon ang babae sa harapan niya—harapan mismo ng pantalon niya.

Sunod-sunod akong napalunok. At akmang huhubadin na ni Senyorito Lucio ang butones ng kanyang pantalon ay tumalikod na ’ko. Hindi ako inosenteng tao kaya alam at naiintindihan ko kung ano ang balak nilang gawin. At hindi na para pa panuodin silang dalawa.

Bago pa nila ako mahuling dalawa ay babalik na sana ako sa pwesto ko ng biglang sumabit ang braso ko sa isang pako sa pader kaya napahiyaw ako sa sakit.

“Ara—” agad na dumapo ang palad ko papunta sa bibig ko upang pigilan ang ingay na gustong kumawala dito.

Mariin akong napapikit at halos tawagin ko na ang lahat ng Santo sa kabang nararamdaman ko ng bigla akong makarinig ng mga salita galing kay Senyorito Lucio.

“Tangina…. sinong nandiyaan?”

04

“Patingin nga ako ng gasgas mo, Santi.”

Agad na kinuha ni Rebreb ang braso ko matapos niyang sabihin ang mga iyon. Napatingin naman ako sa kanya. Sinusuri niya kung malaki ba ang naging galos ng pagkakasabit ng braso ko sa pako kanina sa mansyon ng mga Estreñella.

Naglalakad kami ngayon pauwi sa kanya-kanya naming bahay dahil agad ko siyang pinuntahan matapos ang naging eksena ko kanina sa likod bahay. Hindi ko na sinabi sa kaniya ’yung nasaksihan kong ginagawa nina Senyorito Lucio at no’ng babae niya, pero binanggit ko sa kanya kung sino ang nakita ko sa likod bahay.

Mapalad na lang din talaga ’ko kanina dahil hindi lumapit si Senyorito Lucio kung saan ako nakatayo. Kung sumilip siya ay makikita niya agad na may tao dahil wala naman akong pagtataguan kung sakali.

Ang dahilan kung bakit hindi siya lumapit ay dahil pinigilan siya ng babaeng kakasama. Dinig na dinig ko din na nagtalo pa sila sandali dahil gusto talagang lumapit ni Senyorito Lucio. Mabuti na lamang din ay nakumbinsi niya no’ng babae gamit ang isang halik. Oo, narinig ko din ’yung tunog ng paghahalikan nila.

At iyon ang nagbigay sa akin ng hudyat para puntahan si Rebreb sa bintanang pinasukan niya. Sakto namang palabas na din siya kaya dagli-dagli ko na siyang hinatak palabas ng mansyon.

“Masakit ba?” may halong pag-aalala ang boses niya na siyang inilangan ko naman.

“’Di naman masyado.”

“Sorry, nagasgasan ka pa tuloy ng dahil sa kalokohan ko. Hindi ko lang talaga napigil ang kuryosidad ko ng makita kung gaano karangya ang buhay nila.”

Kung kanina ay may lungkot at pag-aalala ang boses niya. Ngayon naman ay mababanaag mo ang inis sa huli niyang sinambit.

“Wala naman na ’yon, Reb. Isa pa, kasalanan ko din kung bakit ako nagkaro’n ng gasgas. Hindi mo kasalanan na nagpunta ako ng likod bahay.” paliwanag ko at ngumiti.

“Grabe ’no?! Ano kaya ang pakiramdam na gano’n kalawak ang tinitirhan mo? Gaano kaya kasarap ang tulog nila sa gabi habang nakahiga sa malambot na kama? At ilang beses kaya sila kumakain sa isang araw?”

“Hayaan mo, naniniwala ako na dadating din balang araw ang swerte sa atin. Aayon din ang panahon, kaya masasaranasan din natin ang gano’ng karangyang buhay.”

Mahabang litanya ko na nagpakunoot ng kanyang noo habang nakataas ang isang kilay. Naguluhan naman ako sa itsura niya. May mali ba sa sinabi ko?!

“Kahit hindi na gano’n kayaman. Alam mo naman na buong pamilya lang ang gusto ko. Kahit naman parang mas lalaki pa ’ko kung minsan kumilos sayo—ay gusto kong magkaroon ng asawa’t anak. At kung dadating man na magkaanak ako… sisiguraduhin kong hindi niya mararanasan lumaki ng walang ama.”

Dinalaw ako ng lungkot sa huli niyang sinabi. Agad kong hinawakan ang kanyang kamay at hinagod iyon gamit ang hinalalaki kong daliri. Sino pa ba ang makakaintindi sa kanya? E, ’di ako na wala na rin tatay.

“Jusko! Tama na nga, ang drama na. Halika na at baka hinahanap ka na ni Lola Tes. Madamay pa ’ko sa galit no’n. Nakakatakot pa naman ’yang lola mo.” aniya atsaka sumilay ang isang matamis na ngiti sa kanyang labi.

Napangiti ako at tumango tango.

“Tara na. Takbo!” ang sabi ko at sabay kaming malakas na napahalakhak.

Pagkasapit ng dilim ay gano’n lang naman ulit ang nangyari sa buhay ko. Kung ano ang madalas namin ginagawa sa gabi ay wala masyadong pinagkaiba sa gabing ito, ang kaibahan lang ay masarap ang ulam namin. Sabi ko nga, may handa naman kami pero sapat lang para sa aming apat.

Kinabukasan ng hapon, araw ng Lunes.

Mag isa akong naglalako ng paninda naming meryenda ni lola dahil masama daw ang pakiramdam niya. Biniro ko pa nga siya na baka nag-inom siya kaya nanlalata siya. Inirapan lang naman niya ’ko, na siya namang pinagpasalamat ko kaysa naman makatanggap ako ng kurot dahil sa kalokohang sinambit.

Bananaque ang nilalako ko ngayon. Balak kong sa bilyaran magpunta dahil alam kong maraming tao doon ng ganitong oras. Para naman marami ang mabawas sa paninda ko dahil pailan-ilan pa lang ang bumibili. Mukhang maraming natira sa mga handa nila kahapon. Natawa ako sa isip.

Hindi naman nagtagal ay narating ko ang bilyaran. Bago pa ako makalapit ay rinig na rinig ko ang ingay, tawanan, at harutan sa mga boses nilang malalaki at malalalim. Natanawan ko ang kapatid kong si Kenjie, laman kasi ’yan ng bilyaran kaya nga kung minsan ay napapagalitan ni lola dahil lagi siyang nandito.

Naglakad ako kung saan siya nakaupo. Napansin naman niya agad ang paglapit ko kaya nag-angat siya tingin sa akin bago bumaba sa hawak kong bilao kung saan nakalagay ’yung mga bananaque.

“Bakit nandito ka, Kuya Santi?” nakakunot noo niyang tanong nang tuluyan akong makalapit sa kanya.

“Naglalako syempre. Bentahan mo nga ’yung mga kasama mo ng mabawasan man lang ’tong paninda natin.” ang sagot ko.

Nginuso ko ’yung mga naglalaro at ibang mga tambay na nakaupo. Agaran naman siyang tumango. Napangiti ako, iyan din ang isa sa gusto ko sa kanila ni Benjie. Hinding hindi sila mahihiya na makita kaming magtinda o tulungang magtinda.

“Uy, mga pare. Set na ba? Meryenda muna kayo diyan.” sigaw niya na halos sumakit ang tenga ko dahil malapit ako sa kanya. Napapangiwi tuloy akong lumayo sa kanya ng bahagya.

Sakto naman ang pagtatanong niya dahil mukhang tapos na ’yung naglalaro sa lamesa. Nagsilingunan sila sa gawi namin ni Ken.

“Teka, pare! Hoy, mag-tong ka sa lamesa at talo ka. Gago ka ba?” ang nakalukot na mukhang sabi ni Rico kay Joshua.

“Oo, tanginà mo! Parang tatakbuhan ang gagó. Iyakin, bakla ka ba?” maangas namang sagot ni Joshua.

“Tangina! Nag-away pa ’yung magkamukha e. Ito na gawin niyong bayad sa pustahan niyo.” singit bigla ni Ken sa gitna ng pagtatalo ng dalawa.

“Tama, pare. Inam mo!” pag sang ayon ni Rico.

“Napamahal pa. Ice tubig lang usapan namin e.” saad ni Joshua habang nalulukot ang mukha atsaka matigas na napakamot sa ulo. “Lugi tangina! Buti na lang si Kuy—este Ate Santi ’tong nagtitinda. Ganda mo sa gupit mo ha!”

Pinagmasdan niya ’ko atsaka ngumiti sa akin ng matamis habang nagtataas baba ang dalawang kilay. Binigyan ko muna siya ng isang nahihiyang ngiti bago nag-iwas ng tingin. Pero natanawan ko pa rin ang pagsiko sa kanya ni Rico habang nangingiti.

“Lakas mo, Joshua. Tangina ka!” saad niya habang tumatawa. Natigil sila ng biglang magsalita ang kapatid ko.

“Tarantado ka ba? Niloloko mo yata ’tong kuya ko e. Apat ang bilhin mo kung ayaw mong hampasin kita ng tako sa mukha!”

“Hoy, gago?! Anong niloloko e talaga namang bagay sa kanya ’yung bago niyang gupit. Mas lalo siyang nagmukhang babae.” paliwanag ni Joshua.

Tahimik lang akong nakatayo dito habang pinagmamasdan silang magtalo. Pero bigla na din akong sumingit bago pa sila tuluyang magkapikunan magkakaibigan.

“Sige na, Joshua, huwag mo na lang ’tong pansinin si Ken. Ilan ba bibilhin mo?” tanong ko na sinagot naman niya agad. Inabot ko sa kanya ’yung dalawang bananaque bago hinarap ang kapatid ko. “Ang sabi ko bentahan mo sila hindi takutin.”

Nagsalubong naman ang kilay niya.

“E, niloloko ka. Alangan namang hayaan ko lang gagu-gaguhin ka ng mga ’yan.”

Hindi ko na siya pinansin pa dahil nagsilapitan na din ’yung ibang mga lalaki. Pinagbentahan namin sila ni Ken, mukhang kumalma na din siya dahil nakikipag-gasuhan na siya kina Rico at sa iba pang mga nandirito.

Habang nagkukumpulan sila ditong lahat sa pwesto namin ni Ken ay bigla na lang kami nakarinig ng isang boses ng lalaki.

“Oh, bakit walang naglalaro? Ubos na ba ang pera sa pustahan?” anitong natatawa.

Kahit na hindi ko nakikita ang mukha at katawan ng lalaking nagsalita ay alam ko kung sino iyon—si Marco. Sila ang may ari nitong bilyaran. Matagal na din nakatayo ito at talagang malakas ang kinikita nila dahil halos hindi nawawalan ng manlalaro ang lamesa nila.

Si Mang Boy ang nagtayo nito, tatay niya. Ang alam ko ay dagdag kita nila ito sa pang araw-araw nilang pamumuhay dahil hindi naman araw-araw ay may gawa ang tatay niya sa construction. Habang ang nanay niyang si Aling Myrna ay dalawang beses lang sa loob ng isang buwan kung umuwi, sa pagkakaalam ko kasi ay sa ibang bayan ito nagtatrabaho bilang mananahi.

“Boss amo, bili ka ng bananaque na tinda ni Kuya Santi.” saad ni Rico habang nakataas ang stick ng kinakain niyang bananaque.

Nagpulasan naman sa gitna namin ni Ken ’yung ibang bumili kaya tuluyan ng tumambad sa akin ang mukha ni Marco. Gwapo talaga siya at malinis kung titignan kahit na hindi naman siya maputi. Ang mas lalo siyang gumagwapo kapag ganyang nakangiti siya. Pero ewan ko ba kung bakit hindi ako makaramdam ng kahit na anong atraksyon sa kanya kagaya ng ibang mga babae at bakla dito sa lugar namin.

“Inubos niyo na yata e.” ang sabi niya kay Rico ng tuluyan siyang makalapit sa pwesto kung nasaan kami.

“Marami pa, Kuya Marco. Ilan ba sayo?” si Ken ang sumagot sa sinabi niya. Nakangiti at walang kung ano-ano ay inabot ang isang stick ng bananaque kay Marco.

“Sapilitan ha!” natatawang anito matapos abutin ’yung binigay ni Ken. Nagtawanan sila kaya natawa na din ako. At dahil doon ay napaharap sa akin si Marco. “Nandito ka pala, Santi.”

“Uh—hello. Oo, matumal kasi ’yung benta dahil siguro piyesta kahapon.” sambit ko habang nakatingin sa mukha niya.

“Marami pa ba?” aniya at sinilip ang bilao. Tumango tango naman ako dahil nasa pitong piraso pa siguro iyon. “Ay oo nga, medyo marami-rami pa. Gusto mo ba samahan kita sa ginagawaan nila papa? Para maaga na din maubos ’yan.”

“Huh? Saan?” nagtataka kong tanong.

“Diyaan lang sa may baranggay. ’Yung pinapatayong center ng mga Estreñella. Isa si papa sa mga gumagawa doon. Bibilhan ka ng mga iyon panigurado.”

“Uh, ako na lang siguro. Salamat!”

“Ano ka ba, nahiya ka pa. Sasamahan na kita. Sandali.” nilingon niya sina Ken at ’yung mga kaibigan nito matapos sabihin iyon. “Kayo muna bahala dito, sasamahan ko lang sandali si Santi. Huwag kayong manduduga sa tong, ha. Mga gago kayo!”

Nag-tanguan sina Ken kaya agad na din niyang binaling ang atensyon sa akin. Ngumiti siya at sumenyas ng isang tango sa akin bilang pag-aya. Wala naman akong nagawa kung hindi ang kumilos—at akmang bubuhatin ko na ’yung bilao ng bigla niya itong kinuha.

“Ako na.” nakangiti niyang saad.

“Naku, hindi na. Salam—”

“Tsk, ako na. Para namang hindi kita niyan kababata.”

Tumawa pa siya kaya nahihiya akong napayuko habang pinaubaya na sa kanya ang pagbuhat ng bilao. Bago kami tuluyang umalis ay nagpaalam pa ako kay Ken atsaka binilinan siyang huwag ng magpagabi ng uwi. Sinagot lang naman niya ako ng isang tango habang magkasalubong ang kilay niyang pinagmasdan kaming dalawa ni Marco.

Pinagsawalang kibo ko na lamang iyon at naglakad na kami palabas. Habang nasa gitna kami ng paglalakad ni Marco patungo sa baranggay ay binasag niya ang katahimikan na bumibingi sa aming dalawa.

“Uhm, sino gumipit sa buhok mo? Bagay kasi talaga sayo.” aniya. Nilingon ko naman siya ng dahil sa sinabi.

Ganon ba talaga kaganda ang buhok ko ngayon at iyon ang napapansin sa akin ng mga tao. Dalawang beses na niya ’yang sinabi at binati din kanina ni Joshua. Hinagod ko muna ang harapan ng aking buhok bago siya binalingan para sumagot.

“Si Mader Pao.” tipid kong saad.

“Ah, kaya pala maganda.” tumatango tango siya habang nakalabi. “Balita ko din kay Ken ay talagang magpapakababae ka na ng tuluyan.”

“May masama ba doon?”

“Wala. Naisip ko lang kasi na kapag tuluyan ka ng nag ayos bilang babae… mas lalong madami ang magkakaroon ng i-interes s-sayo.”

Mabilis siyang napa-iwas ng tingin matapos gumaralgal ang huli niyang sinabi. Kumunot naman ang noo ko. Sa akin? Maraming magkaka-interes? Baka nakakalimutan niyang bakla ako. Gusto ko man sabihin mga iyon ay hindi ko na lang sinatinig. Pinagkibit balikat ko na lamang at nagpatuloy sa paglalakad.

Nang tuluyan na kaming makarating sa sinasabi niyang ginagawang center—ay sa hindi kalayuan ay nakita namin si Mang Boy na may hawak na pala habang naghahalo ng semento.

“Pa!”

Pagtawag ni Marco na siya namang binigyan pansin agad ni Mang Boy. Binitawan nito ang hawak-hawak na pala at pagkatapos ay siyang naglakad papalapit sa amin.

“Oh, anong ginagawa mo dito?! At ano ’yang hawak mo?” anito. Nagtataka kung bakit may bitbit na bilao si Marco.

“Paninda nila Santi. Sinamahan ko lang papunta dito para maubos na ’tong tinda niya.”

“Gano’n ba, kakain ko lang. Sandali—halika, Santi, sasamahan kita mag-alok doon.” saad ni Mang Boy at ngumiti sa akin. Pagkaraan ay bumaling siya agad kay Marco. “Umuwi ka na.”

“Huh? Sasama ko sa inyo.”

“Sige na, Marco. Salamat pero kaya ko na ’to, nakakahiya din at walang bantay doon sa bilyaran niyo.” sumingit na ’ko sa kanilang dalawa.

Kinuha ko sa kanya ’yung bilao at wala naman siyang nagawa kung hindi ang magkamot ng ulo. Nakasibangot siyang tumingin sa tatay niya bago naglakad pabalik sa kanila. Kami naman ni Mang Boy ay naglakad papalapit doon sa mga ibang manggagawa na kasama niya.

Inalok ko sila at ilan lang sa kanila ang bumili. Pero salamat na din dahil nabawasan pa rin ang binebenta ko kahit may dalawa pang natira, kaysa naman sa wala ’di ba?

Maging sina Mang Boy at Mang Dado na siyang kilala ko sa mga nadirito ay binati ang itsura ko ngayon. Sinabihan nila akong maganda pero hindi ko alam kung totoo ba iyon dahil may halong pagtawa ang pagkakasabi nila. Pero hindi ko din naman nagawang magdamdam dahil parang hindi naman pang-iinsulto ang pagbanggit nila na maganda ’ko.

“Meron pa pala. Teka, alukin natin si Senyorito Lucio baka naman bilhin na ’yang natitira.” si Mang Dado.

Umakyat naman ang kaba sa dibdib ko pagkarinig na pagkarinig ko palang ng pangalan ni Senyorito Lucio. Bumalik ang ala-ala ko sa nasaksihan ko kahapon sa mansyon nila. Nag-init ang pisngi ko.

At dahil lutang ang pag-iisip ko ay nahatak na pala nila ako kung saan man naroroon si Senyorito Lucio. Ilang lakad pa ang ginawa namin at tumambad sa paningin ko ang bulto ng lalaking nagpapabilis ng tibok ng puso ko.

Lalaking lalaki siyang nakatayo sa isang sulok habang may hawak-hawak na sigarilyo sa kanang kamay. Nakasuot siya ng maong na pantalon habang sando sa pang itaas. At dahil lantad ang malalaki niyang braso at itaas na parte ng kanyang dibdib ay kitang kita ko ang tattoo niyang leon doon. Napalunok ako sa tanawin.

Kunot noo siyang napatingin sa direksyon namin. Kahit na kinakabahan ay hindi ko iyon binigyan pansin at inayos ang paglalakad.

Kasabay ng paglapit namin sa pwesto kung nasaan siya ay siyang buga niya nang usok kaya napapikit ako. Ang baho ng amoy. Pagmulat ko ng mata ay ang nakangisi niyang labi ang bumungad sa akin. Lalo tuloy lumakas ang kalabog ng puso ko. Jusko po!

“Senyorito, may dala po kaming chiks sa inyo ni Mang Boy.” pagbibiro ni Mang Dado atsaka sila malakas na nagtawanan ni Mang Boy.

Napayuko naman ako sa hiyang nararamdaman. Ano ba naman ’tong dalawang matanda na ’to. Ngayon pala nila nakuhang magbiro ng ganyan, mukha pa namang kay sungit nitong amo nila.

Patuloy pa rin sa paghagikgikan sa tabi ko ’yung dalawang matanda pero tahimik lang si Senyorito Lucio at walang kibo. Inangat ko ang tingin ko sa kanya at nakatitig siya sa akin, wala na ang kaninang ngisi sa kanyang labi. Napalunok ako sa paraan ng pagtitig niya—madilim at nang-uuyam.

“Tsk!” aniya sa malalim at matigas na paraan. May halong inis ang kanyang boses.

At ramdam na ramdam ko ang nag-uumapaw na kayabangan sa katawan niya. Kitang kita ko din kung paano tumaas ang sulok ng kanyang labi.

Muli akong tumingin sa mukha niya at nagsalubong ang aming mga mata. Pinantayan ko ang talim ng pinupukol niyang tingin sa akin. Ngunit hindi din nag-tagal iyon ng biglang sumikip ang dibdib ko at mas nakaramdam ng pagkapahiya dahil sa sumunod niyang sinabi.

“Ayoko niyan. Hindi po ako pumapatol sa bading.”

05

“Naku! Biro at katuwaan lang ho iyon, Senyorito. Aalukin po talaga namin kayong bumili ng meryendang binebenta ni Santi.”

Biro?! Katuwaan?! Lang?!

Paano nasasabi iyon ng gano’n kadali ni Mang Dado?! Matapos akong makaramdam ng pagkapahiya dahil sa narinig kong pang iinsulto ni Senyorito Lucio sa kasarian ko. Kitang kita ng dalawa kong mata kung paano siya mandiri sa akin kanina—kaya huwag nilang gawin na parang wala lang ang nangyari.

Dahil hindi iyon wala lang—nasaktan, nainsulto at napahiya ako. At iyon ay dahil ‘lang’ naman sa sinasabi nilang biro at katuwaan.

Napatingin si Senyorito Lucio sa hawak-hawak kong bilao. Pero hindi ko na ’to ilalako pa sa kanila, tutal ay dalawa na lang ’to. Madali ko na itong maibebenta sa iba. Kaysa naman makarinig pa ’ko ng panibagong insulto mula sa kanya.

“Huwag na po pala, Mang Dado. Naalala ko po, nagpapatabi nga po pala si Aling Bebe ng meryenda.” sabi ko at binigyan siya ng isang tipid na ngiti.

“No, I’ll get that. Sakto at mukhang hindi pa nagmemeryenda si Manong Rub—”

Hindi na natapos pa ni Senyorito Lucio ang gusto niyang sabihin nang bigla ko siyang pinutol gamit ang isang seryosong tono.

“Salamat, pero hindi ko na po talaga ibebenta. Pasensya na din po sa naging abala.” sambit ko. Hindi ko na siya binigyan pa ng tingin atsaka tumalikod.

Maglalakad na sana ako paalis sa pwesto namin dahil ramdam ko pa din hanggang ngayon ang hiyang naramdaman ko kanina. Pero ang hiya ay nadagdag pa ng isang inis dahil sa kanyang sinabi na may kasamang pagtawa.

“Akala ko po chiks talaga ’yung kasama niyo, Mang Dado. Chiksilog po pala—chiks na may itlog!”

Dahil sa narinig ay muli akong napaharap sa kanya. Pagkaharap ko ay siyang pagbaling ng kanyang mukha pakaliwa dahil sa malakas na pagkakasampal ko. Nanlilisik ang mata kong tinitigan siya habang nakakuyom ang dalawa kong kamao.

“Para ’yan sa kagaspangan ng ugali mo!” sambit ko atsaka umigting ang panga dahil talagang nag ngingitngit ang kalooban ko sa galit.

Tumango tango siya atsaka ngumisi. Hinaplos niya ang pisnging sinampal ko gamit ang likod ng kanyang palad. Kitang kita ko din kung paano siya maangas na tumigin na may halong dilim ang mata sa akin. Nakabukol din ang kanyang dila sa kaliwang pisngi.

Kinapitan ako ng kaba dahil sa nakita kong itsura niya ngayon. Pero pinilit kong winaksi sa aking dibdib ang kabang nararamdaman dahil siya ang nambastos, nang insulto, at nagpahiya sa kapwa.

Agad niyang hinablot ang magkabilang braso ko gamit ang dalawang niyang kamay. Ramdam ko ang gigil at galit sa paraan ng paghawak niya doon. Kaya mas lalo akong nakaramdam ng kaba ngayon. Lalo pa at nakangisi pa din ang kanyang mapulang labi.

“Ayan ang gusto ko, agresibo!” punong puno nang angas ang kanyang boses. Pinagmasdan niya ang buong mukha pero nagtagal ang titig niya sa labi ko—kitang kita ko kung paano umigting ang panga niya.

“Bitawan mo nga ako! Nasasaktan ako!” buong lakas akong nagpumiglas pero parang wala lang iyon dahil hindi man lang siya natinag. Mas lalo pang humigpit ang paraan nang paghawak niya.

“May itlog ka naman talaga, ’di ba? Bakit nagagalit ka? Ah, alam ko na—” may halong kalokahan na ang ngisi niya ngayon, medyo humupa na din ang dilim sa mga mata niya. “Gusto mong chúmupain ako? Pwede naman, pero first time ko ’to kung sakali kaya swerte mo.”

Malakas pa siyang humalakhak sa huling sinambit. Nagpikit naman ako ng mata dahil nakaramdaman ako ng pag-init ng pisngi sa malaswa niyang sinabi. Ngunit hindi naman nagtagal ang init sa aking pisngi dahil agad iyong umakyat papunta sa ulo ko.

At iyon ang naging dahilan kung bakit nasabi ko ang isang bagay na hindi ko naman madalas sabihin.

“Tangina mo! Bastos!” dinuruan ko siya sa mukha kaya nabitawan niya ang braso kong kanina niya pa hawak-hawak.

“Tama na ’yan, hijo. Tara na. Pasensya na po Senyorito.”

Mga salitang huling narinig ko bago ako kaladkarin nina Mang Dado at Mang Boy paalis sa pwesto kung saan ako nakatayo. Nanlalabo ang mata ko at doon ko lang namalayan na naiyak na pala ako sa sobrang galit.

Hindi kami kailan man tinuruan ni Lola Tes maging bastos o mambastos ng kapwa. Ang lagi niya samin sinasabi na kahit gaano pa kasama ang isang tao sa paningin namin ay hindi sapat na bastusin namin siya. Dahil ang kanyang katwiran ay walang taong pinanganak na masama. Nagiging masama lang daw ang isang tao kapag may mga bagay silang naranasan na hindi maganda sa buhay, na siyang nagtutulak sa kanila para gumawa ng masama.

Pero ngayon, mukhang mali si Lola Tes. Nasabi lang niya ang mga iyon dahil hindi niya pa nakikilala si Senyorito Lucio na pinanganak na talagang demonyo.

Kahit ilang araw na ang lumipas simula ng may mangyaring hindi maganda sa pagitan namin ni Senyorito Lucio ay ramdam ko pa rin ang galit ko sa kanya hanggang ngayon.

Sa ilang araw din na lumipas ay pinilit kong huwag kaming magkasalubong ng landas. Ginawa ko ang lahat para hindi kami magkita, kahit na hirap na hirap akong magdahilan kay lola na huwag mag-alok ng paninda malapit sa baranggay.

Masisi niyo ba ’ko? Iyon ang kauna-unahang may nang-insulto ng gano’n kalala sa kasarian ko at binastos ang pagkatao ko. Kahit na ang gusto ko lang naman ng mga oras na ’yon ay makaubos ng benta. Pero hindi ko naman itinatanggi na natatakot ako kahit papaano. Iniisip ko na baka kung ano ang gawin niya sa akin o sa pamilya ko, dahil sa ginawa kong pagsampal at pagdura sa mukha niya.

Napailing-iling ako ng muling maalala ang mga ginawa ko. Lord, huwag naman po sana maisipan ni Senyorito Lucio na ipakulong ako.

“Hoy, bakit naman naiiling ka diyaan?” biglang saad ni Rebecca. Nilingon ko siya at ang naguguluhang itsura niya ang inabutan ko.

“Wala, may naalala lang. May tinatanong ka ba?”

Nagtaas siya ng kanang kilay habang mariin ang titig sa akin. Nag-krus din ang kanyang mga braso kaya nagtataka akong ginalaw ang ulo ko payuko ng bahagya habang nag aantay kung ano man ang kanyang sasabihin.

“Meron kang hindi sinasabi sa akin, Santi. Anong tinatago mo?” sambit niya habang naniningkit ang mga mata. Umiling ako.

“Wala nga. Ano ba kasi ’yung tinatanong mo?”

Malalim muna siyang nagbuntong hininga bago nagsalita ulit. “Ang sabi ko nakapagpa-rehistro ka ba no’ng nakaraang taon? Malapit na ’yung botohan. Kita mo—naglipana na ’yung mga poster at flyers ng mga politiko.”

“Oo, sinahaman ako ni lola. Bakit mo natanong?”

“E, wala naman. Alam mo na, sayang din kasi kung sakali na may gumapang na pera sa gabi bago ang araw ng botohan mismo.” tumawa pa siya na kina-iling ko naman.

“Hindi ko ipagbibili ang boto ko sa mga Estreñella.” sambit ko at nag ikot ng mata.

Nakita ko naman kung paano naguluhan si Rebreb dahil agad nagsalubong ang kanyang dalawang kilay nang dahil sa sinabi ko.

“Huh? Hindi mo iboboto si Don Paeng?” takang taka ang buong itsura niya pero tumango ako. “Sino boboto mo si Tonyo Encleo?”

“Oo, tapos sa Vice Mayor ay si Konsi Manuel Alcantara.” kaswal kong sagot kaya mas lalong nalukot ang mukha niya.

“Ano?! Iboboto mo si Manuel?”

Ako naman ang nalukot ang mukha dahil sa reaksyon at tono nang kanyang pananalita.

“Bakit?”

“Ah, basta! Ako kahit kailan ay hindi ko iboboto ang hayop na ’yan.”

Hindi ko na pinansin ang huli niyang sinabi at nagkibit balikat na lamang. Baka hindi sila natulungan ni Konsi Manuel sa paglapit nila noon. Nilasap ko na lamang ang hangin sa paligid. Nandito kami kung saan madalas kaming tumambay ni Rebreb kapag wala kaming ginagawa.

Sinusulit na lang din naman hangga’t bakasyon pa, dahil kapag nagpasukan ay magiging abala na ulit siya sa eskwela. At malay mo, baka sa susunod na pasukan ay makapag-aral na din ako ng kolehiyo. Naramdaman ko naman ang pananabik dahil sa naisip.

Kinagabihan, matapos ang aming hapunan ay agad akong naghugas ng pinagkainan. Si lola ay agad na pumasok sa kwarto, si Benjie ay mukhang nanunuod sa sala dahil naririnig ko ang tunog mula sa TV, habang ang magaling kong kapatid na si Kenjie ay muling lumabas ng bahay.

Tinapat niya ang pag-alis pagkapasok na pagkapasok pa lang ni lola sa kwarto. Napakatigas talaga ng ulo ng isang ’yon. Ni hindi marunong sumunod o matakot man lang kay lola.

Matapos ang ginagawa ko ay napatingin ako sa orasan. Mag aalas-otso na pero maaga pa kung tutuusin, kaya imbes na pumasok sa kwarto ay sinamahan ko muna si Benjie manuod sa sala.

Napalingon siya sa akin ng maramdaman niya ang paglapit ko sa sopang kahoy. Pinaayos ko naman siya ng upo atsaka tumabi sa kanya.

“Ano ’yang pinapanuod mo? Drama?” ang nagtatakang tanong ko nang tumingin ako sa palabas.

“Oo, Kuya. E, wala naman ibang palabas kapag gabi na. Bukas pa ng umaga ang mga kartuns.”

Napalabi at napataas ng sabay ang kilay ko. Tama naman din siya. Ano pa nga ba ang mapapanuod mong iba sa mga oras na ’to. Wala, kung hindi mga teleseryeng paulit-ulit lang naman ang nangyayari.

Pero sa huli ay kinain ko din ang mga sinabi ko dahil nalibang akong manuod kasama si Benjie dito sa sala. Kahit na mas marami pa ang komersyal kaysa sa mismong palabas. At dahil nga lunod kami sa panunuod ay hindi ko namalayan ang paglapit ni Lola Tes sa amin.

“Nasaan si Kenjie, Santi?” ang tanong ni lola. Medyo magulo ang buhok sa bandang likod nang kanyang ulo. Mukhang siyang naalimpungatan kaya kami lumapit dito sa sala.

“Hindi ko po alam, ’la. Kanina pa po siya umalis.”

“Aba’y sunduin mo na. Anong oras na oh, mag aalas-nuebe na ng gabi.” aniya sabay turo sa orasan na nakakabit sa aming dingding. “Huwag niya kamong hintayin na ako ang sumundo sa kanya doon sa bilyaran at mapapahiya siya. Nasasanay umuwi nang gabing-gabi ang batang ’yan.”

“Opo, ’la”

“Patayin mo na ’yang TV, Benjie. Pumasok na tayo sa kwarto, hindi maganda sa bata ang nagpupuyat.”

Agad kaming kumilos ni Benjie sa narinig na utos ni lola. Sabay-sabay kaming naglakad ngunit sila ay papasok ng kwarto habang ako ay palabas ng bahay.

Ano ba naman kasi ’tong si Ken. Wala talagang pang-kontrol sa sarili. Hindi inaalam kung dapat na ba siyang umuwi o hindi.

Kahit na madilim na ang paligid ay hindi ako natakot bagkus ay dinama ko ang malamig at sariwang hangin dito labas habang binabagtas ko ang daan patungo sa bilyaran nina Marco. Pasalamat na lamang din dahil kahit papaano ay hindi gano’n kalayo ang lalakarin ko.

Hindi nagtagal ay narating ko na din sa wakas ang bilyaran. Walang bago—kung paano ko ’to lagi dinadatnan noon ay gano’n ko din siya nasaksihan ngayon. Maingay dahil puno ng tawa at asaran ang mga lalaki.

Inabutan ko si Ken na naglalaro. May hawak siyang sigarilyo at tako habang seryosong nakatingin sa tumitirang kalaban na si Rico.

Nilapitan ko siya at kinalabit. Napatingin naman siya sa akin at medyo nagulat pa ng makita ang mataray kong mukha. Gamit ang nguso ay tinuro ko ang hawak-hawak niyang sigarilyo. 

Kitang kita naman ang gulat sa mata niya. At dahil sa gulat ay hindi niya alam ang gagawin. Bigla na lang niya iyon tinapon sa lapag at inapakan. Tumaas ang sulok ng labi ko habang naiiling. Wala akong masabi sa katigasan ng ulo nitong kapatid ko.

“Hindi akin ’to, Kuy—”

Naputol ang dapat niyang sasabihin dahil sa narinig naming malakas na pagmura ni Rico. Sabay nabaling ang atensyon namin sa kanya ni Ken. Anong nangyari?!

“Tangina malas! Na-bad shot pa.” kakamot kamot sa ulong saad ni Rico.

Binigyan naman siya ng isang ngisi ni Ken nang magkatinginan sila. Napailing na lang si Rico pero agad na ngumiti sa akin ng matanawan niya ’ko—na siya namang ginantihan ko.

“Tatapusin ko lang ’to, Kuya. Pagtapos ay uuwi na ’ko.” ang sabi ni Ken habang naglalagay ng tisa sa dulo nang kanyang tako.

“Sabay na tayo.”

Wala naman siyang nagawa kung hindi ang sumunod. Ilang minuto lang ay din ay natapos ang laro, pero hindi ang kagustuhan kong maalam kung bakit may hawak siyang sigarilyo kanina. Kailangan ko siyang makausap kung kailan pa siya natutong mag-yosi.

Nagpaalam na sila sa isa’t isa atsaka kami naglakad palabas ng bilyaran. Hindi pa man kami nakakalayo ay huminto ako para kausapin si Ken.

“Kailan ka pa natutong mag-yosi?” nakataas kilay kong tanong. Napabalikwas naman siya sa kinatatayuan.

“Hindi nga akin ’yon, Kuya Santi. Pinahawak lang sakin ’yon ni Rico habang tumitira siya.” paliwanag niya. May halong konting inis sa tono.

“Hindi ako naniniwala. Aamin ka o isusumbong kita kay lola?” panghahamon ko. Naiinis naman siyang nagkamot ng ulo.

“Bahala ka—”

“Lalaki ’yan. Hayaan mo.”

Dinig naming sabi nang kung sino man. Napalinga ako at nakita ko ang malaking bulto nang isang taong pilit kong iniwasan na makadaup-palad.

Nakatayo siya sa isang sulok malapit kung saan kami huminto ni Ken. May hawak-hawak siyang sigarilyo na siyang hinitit niya atsaka tinapon pagkatapos.

Umuusok pa ang kanyang ilong habang naglalakad papalapit sa amin. Nang papalapit na siya ay doon ko lang napagmasdan ang kanyang itsura. Nakasuot siya nang isang simpleng puting damit at itim namang shorts pang ibaba. Kahit na simple lang ang kanyang suot ay mababanaag mo pa rin ang kanyang kakisigan at kagwapuhan. At malalaman mo agad na hindi siya lumaki sa ganitong klaseng lugar dahil kapansin pansin ang kanyang makinis at maputing balat.

Napaiwas ako ng tingin.

“Kuya Lucio? Akala ko ay kanina ka pa nakaalis.” gulat na tanong ng kapatid ko. Maging ako ay nagulat dahil bakit parang malapit sila sa isa’t isa.

Atsaka…. Kuya Lucio? Ang tinawag niya?

Nang tuluyang makalapit ay binigyan niya nang isang tango ang kapatid ko sabay tapik sa may likod ng balikat. 

“Paalis na ako sana kaso lang ay nakita ko kayo nitong si chik—” 

Pinutol niya ang dapat sasabihin. At iyon na naman ang ugali niyang binubukol ang kanyang dila sa pisngi para pigilan ang tawang gustong kumawala sa bibig niya. Hindi na lang ako kumibo dahil ayokong may masabi o magawa na naman akong hindi maganda.

“Nagtagal ba ’yung laban? Sinundo ka pa tuloy.” ang sabi niyang nakangisi nang ibaling ang atensyon sa aking kapatid.

“Oo. Tagal no’ng huling set e.”

Tumango si Senyorito Lucio.

“Ganon ba. Nanalo ka naman ba?” maangas niyang tanong na siyang ginantihan ni Ken ng isang ngisi sabay mabilis na tumango.

“Oo naman.”

“Ayos pala, ah.”

Matapos niyang isagot ang mga salitang iyon ay bumaling ulit ang kanyang atensyon sa akin. Sumilay ang isang ngising hindi ko mapangalanan—kung nang-aasar ba o nagbabanta. Pero bago pa ako kapitan ng kaba ay muli siyang bumaling kay Ken.

“Sa susunod na gabihin ka ulit, isasabay na kitang umuwi. Para na din hindi ka na sinusundo—”

Binitin niya ang kanyang sinasabi atsaka humarap sa akin. Napalunok ako ng bigla niyang sakupin ang natitirang espasyo sa pagitan naming dalawa. Kaya napalayo ako ng bahagya sa ginawa niya. Napansin naman niya ang paglayo ko kaya napangisi siya at mas lalong lumapit sa pwesto ko.

Biglang siyang yumuko at pinagpantay ang aming mukha. Nandoon pa rin ang mapanlarong ngisi sa kanyang labi. At ganoon na lamang kabilis dumaloy ang kuryente sa buong sistema ko ng bigla kong maramdaman ang kanyang hininga sa aking tainga.

Bumulong siya.

Mabilis at sunod-sunod akong napalunok dahil amoy na amoy ko ang kanyang hininga. Naghahalo ang amoy ng usok at ng mabango niyang hininga. Napapikit ako.

“Nitong si…. Kuya Santi.”

06

“Uwi na. Ingat kayong dalawa.”

Napahinga ako ng malalim matapos niyang lumayo mula sa pagkakalapit sa akin. Nagkatinginan kaming mabuti at nakangisi siya habang pinaglalaruan ang kanyang kilay nang taas-baba.

Ngunit agad din naman nawala ang mapaglaro niyang itsura nang makita ang paglunok ko sa ginawa niyang pagbulong.

Marahan siyang nag-iwas ng tingin at binaling ang kanyang atensyon sa aking kapatid. Binigyan niya ’to ng isang tango na mukhang nakuha naman agad ni Ken ang ibig sabihin dahil ginantihan niya si Senyorito Lucio ng isa din tango.

Hindi ko sila naintindihan kaya sabay silang napalingon sa akin nang magsalita ako.

“Halika na Ken, mas lalong lumalalim ang gabi.” ang sabi ko, iniwasan kong magtama muli ang tingin namin ni Senyorito Lucio dahil ayokong mapansin niyang sobra akong naapektuhan sa ginawa niyang pagbulong.

“Tuloy na po kami, Kuya Lucio.”

“Sige sige. Ingat kayo ng… Kuya Santi mo.” aniya atsaka mahinang tinapik sa balikat si Ken.

Matapos masaksihan at marinig ang mga iyon ay tumalikod na ako. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayong gabi. Ang sinasabi nang utak ko ay dapat magalit ako sa kanya dahil isa siyang walang kwentang tao. Pero iba ang sinisigaw ng puso ko, malakas ang pagkabog nito na pakiramdam ko ay halos lalabas na sa loob nang aking dibdib.

Paano ba naman hindi sasabog ang dibdib ko. Bulungan daw ba ’ko sa tenga?! Hindi naman kami malapit sa isa’t isa kaya bakit kailangan niyang bumulong pa.

Inaasar ka kasi, Santi.

Boses sa utak ko. Malalim akong napabuntong hininga habang nakapikit ang dalawang mata.

Maaari. Pwede naman. Baka kasi ayaw niyang marinig ng kapatid ko ang pang iinsulto at pang aasar niya sa akin. Ayaw niyang makita nang ibang tao bukod syempre kina Mang Dado at Mang Boy kung gaano kagaspang ang kanyang pag-uugali.

Dahil sa naisip ay bigla kong binigyan ng atensyon ang kapatid kong katabi ko sa gilid habang naglalakad kami pauwi. Napansin niya naman ang paninitig ko kaya nagtaas siya nang isang kilay sa panlalaking paraan.

“Bakit?!”

“Naisip ko lang. Kailan ka pa naging malapit kay Senyorito Lucio? Bakit kuya ang tawag mo sa kanya?”

Mababanaag mo ang pagtataka sa boses ko, samahan pa ng pagsasalubong nang dalawa kong kilay. Ngunit imbes na sagutin agad ang tanong ko ay naguguluhan niya akong tinignan na para bang hindi niya naiintindihan kung bakit bigla ko iyong tinanong.

“Huh? Masama ba? ’Tsaka siya ang may gusto no’n na tawagin namin siyang kuya. Ilang gabi na din kasi ’yan naglalaro kina Mang Boy.”

“Bakit naman daw?”

Nagkibit balikat siya. “Ewan, baka mabait lang talaga siya. Ang dami ngang natutuwa sa kanya dahil magaling siyang makisama. Hindi mo mararamdaman na mataas siyang uri ng tao.”

Hindi na ako sumagot, bagkus ay nanahimik na lamang at sinarili ang nais kong sabihin. Ayoko naman na siraan siya sa kapatid ko dahil sa naging pagtatalo namin no’ng nakaraan. Atsaka baka talagang mabait siya sa mga lalaki, baka lumalabas lang ang kagaspangan nang ugali niya pagdating saming mga bakla.

Mahimbing nang natutulog sina lola ng makauwi kami sa bahay, kaya dahan-dahan ang naging kilos namin sa pagsara ng mga pinto at bintana. Gano’n din ang paglalakad namin papuntang kwarto. Agad kaming nahiga sa kanya-kanyang kama, dinalaw ako ng matinding antok matapos mahiga kaya nakatulog ako agad.

Kung gaano kabilis tumakbo ang isang kabayo ay gano’n din kabilis lumipas ang mga oras at araw. Matagal tagal na din simula ng magkita kami ni Senyorito Lucio sa bilyaran. Kahit na napipilit ako kung minsan ni lola na magtinda sa mga gumagawa malapit sa baranggay ay hindi naman ulit kami nagkasalubong, ni anino niya ay hindi ko natanawan.

Pero ang rinig ko ay may inaasikaso daw na ibang bagay. Hindi ko na inalam pa kung ano iyon dahil hindi naman ako interesado. Mainam na rin ’yon dahil nakakapagtinda ako ng payapa, na walang iniisip na taong kailangan iwasan.

“Kumusta apo, nabuo ba?” tanong ni lola, may hawak na mangkok habang naglalakad siya papalapit sa pwesto ko.

“Nabuo naman po siya, ’la. Kaso lang ay malambot pa din at naglalagas.” ang sagot ko, inangat ko ang hawak-hawak na sabon upang mas makita niya.

“Konting ensayo pa, makukuha mo din ang tamang pormula diyan sa ginagawa mong sabon. Ganyan na ganyan din ang inay mo noon.”

Ngumiti ako at tumango.

Hindi ko alam kung ilang oras na akong nandito sa likod bahay kung saan ako nag e-experiment sa paggawa ng sabon.

Umagahan ang niluto ni Lola Tes bilang paninda ngayong araw kaya naisipan kong gumawa muli ng sabon. Tutal ay wala naman akong ibang gagawin, kaya imbes na masayang ang oras ko sa ibang bagay ay tinuon ko na lamang ’to sa paggawa ng sabon.

“Kumain ka muna ng mangga.” si lola, napatingin naman ako sa inaabot niyang pagkain. Iyon pala ang laman ng mangkok na bitbit-bitbit niya kanina.

Inabot ko naman iyon at nagpasalamat.

Napangiti ako sa lasa nito matapos kong kumagat ng kaunting piraso. Naghahalo kasi ang asim ng mangga at alat ng bagoong. Napunta kay lola ang tingin ko, nakita ko ang naka-ismid niyang mukha habang nakatingin sa reaksyon ko. Mas lalo tuloy akong napangiti.

“Ang sarap po, ’la. Saan niyo po pinitas ’to?”

“Diyaan sa may puno natin.”

“May bunga na po pala.”

Tumatango tango si Lola Tes pero nandoon pa din ang nauuyam niyang itsura. May pagka-suplada din talaga ’tong si lola. Ngunit kalaunan ay inayos niya ang tingin sa akin bago binukang muli ang bibig.

“Maiba ’ko. Sa mga susunod na araw ay panigurado paparada na ang mga kandidato. Kailangan ay makapanuod tayo para makahingi tayo ng kahit kaunting tulong sa pag-aaral mo.”

“Makakapag aral na po ba talaga ko sa pasukan?!” hindi ko maiwasang masabik dahil sa narinig mula kay lola.

“Hindi ako nangangako, apo. Pero sana ay mapag-aral kita, kaya nga gusto kong ilapit sa mga kandidato ang pag-aaral mo para kahit papaano ay may tulong tayong makukuha. Lalo na sa usaping pinansyal. Alam mo namang may dalawa ka pang kapatid na kailangan ko din pag-aralin.”

Kitang kita ko ang lungkot sa mukha ni Lola Tes matapos sabihin ang huling pangungusap. Hinawakan ko ang dalawa niyang kamay kaya napatingin siya sa mata ko. Tipid akong ngumiti atsaka pinisil ang palad niya.

“Kung hindi po talaga kaya, ’la. Wala naman pong problema. Naiintindihan ko po.”

Totoo naman na naiintindihan ko, dahil kung tutuusin ay hindi niya naman kami responsibilidad na pag-aralin. Kung meron man na dapat umiintindi ng pag-aaral namin ay hindi ’yon si lola. Kung hindi ang mga magulang namin, na hindi naman nagpaka-magulang sa amin ng mga kapatid ko simula’t sapul.

Rinig na rinig ko ang malalim niyang pagbuntong hininga ng dahil sa sinabi ko.

“Pero pipilitin natin, apo. Ano ba ang balak mong kunin na kurso?

“Siguro ’yung may kinalaman na lamang po sa pagluluto. Mukhang mahal po kasi ang matrikula kapag ’yung tungkol sa paggawa ng mga sabon. Pwede ko naman po iyon aralin kapag po may sapat na akong pera.”

Dahan-dahan niyang ginalaw ang ulo nang taas-baba. “Kung sabagay, may punto ka naman. Oh siya, maiwan na kita diyaan at ako’y magbi-bingo muna kina Gina.”

“Sige po, ’la. Ingat.”

Matapos iyon ay agad siyang tumalikod sa akin atsaka naglakad palabas ng bahay. Ako naman ay napagpasyahan ng ligpitin ang mga kinalat kong bagay dito sa likod bahay. Sa susunod na lamang ulit ako gagawa ng sabon, baka sakaling makuha ko na ang tamang formula sa pagbuo nito.

Dumiretso ako sa kwarto para tignan ang isang bagay na alaala ko kina inay at itay. Agad kong hinalungkat sa ilalim ng aking damitan ang litrato nilang matagal kong tinago.

Nang makuha ang isang kahon na gawa sa kahoy ay dagli-dagli ko itong binuksan. At doon ay tumambad sa akin ang mga litrato naming magkakapatid noong mga bata kami. Mga litratong nagpapaalala kung gaano kami kasaya bilang isang pamilya.

Kinuha ko ang isang lumang litrato nina inay at itay. Sa litratong hawak-hawak ko ay hindi lang ang mga magulang ko ang nandoon. Kung pagmamasdan mong mabuti ay malalaman mong hindi sila ang dahilan kung bakit iyon kinuhanan. Nasa sulok silang dalawa—nakatayo, habang masayang nakangiti sa harap ng kamera.

Sa gitna ay ang nanay ni Rebecca, si Aling Rica. Nakangiti habang nakaupo sa isang magarang upuan, siya ang dahilan kung bakit kinuhanan sila ng kung sino mang photographer ang kumuha nito.

Alam kong kaarawanan nito ni Aling Rica. Hindi ko lang alam kung bakit nandirito ito sa baul na kahoy na siyang taguan ng mga lumang litrato nina inay at itay, baka nasama lang at magkaibigan din naman silang dalawa no’ng mga dalaga pa. May ibang tao din ang nandoon pero hindi ko na alam kung sino ang mga iyon.

Pinagmasdan kong mabuti ang itsura ni Aling Rica, napakaganda niya. Kung gaano kaganda ngayon si Rebreb ay gano’n din kaganda ang kanyang inay sa litratong ito. Kahit na simple lamang ang kanyang kolorete sa mukha ay angat na angat ang kanyang kagandahan.

Tama nga si Lola Tes at naiintindihan ko na ngayon ang sinabi niya noon. Na isa si Aling Rica sa mga babaeng pinipilihan ng mga lalaki para mapasakanila. Nakakalungkot nga lang daw ang nangyari dito dahil bigla na lang itong nabuntis ng hindi alam ng lahat kung sino ang ama ni Rebreb. Hindi naman daw kasi kahit kailan nagpakilala ng nobyo si Aling Rica, o hindi kailan man nakitang may kasamang lalaki. Kaya naging usap-usapan ito noon at naging pala-isipan pa kung sino ang totoong ama ni Rebreb.

Binalik ko ang litratong hawak ko at kumuha ng bago. Pinili ko ang litrato ng kasal ni inay at itay. Kung isa si Aling Rica sa mga babaeng pinipilihan noon ng mga kalalakihan—ay ganon din ang inay. Kaya marami naman ang nagsasabing swerte ang itay dahil siya ang nagwagi sa puso nito.

Kung gaano kaswerte ang itay bilang lalaki, katumbas naman no’n ang pagiging malas namin bilang mga bata dahil siya ang naging tatay namin.

Malalim akong napabuntong hininga atsaka isa-isang inayos ang litrato para ibalik sa baul na kahoy. Matapos ayusin ay binalik ko ito sa damitan kung saan ko iyon tinatago. Ayokong kasing makita iyon nina Kenjie at Benjie, dahil kung ako ngang matanda na ay nalulungkot sa nangyari sa pamilya namin. Siguradong mas doble ang mararamdaman nilang lungkot dahil ang babata pa nila nang iwan kami. Lalo pa’t malapit si Kenjie kay itay, si Benjie naman ay kay inay.

Bakit kaya may mga taong ang dali sa kanilang gumawa ng pamilya pero hirap silang magpaka-magulang?!

Mabilis na umikot ang mata ko sa naging tanong sa utak ko. At kung paano kabilis umikot ang mata ko ay siyang bilis nang pag-ikot ng mundo.

Ilang araw ang lumipas at naging abala lang kami sa pagtitinda, na siyang nakatulong upang malimutan ko ang alaala sa mga magulang kong isang namayapa at isang lumisan nang walang kadahilanan.

Ang pagtilaok ng manok ang siyang gumising sa akin ngayong araw, rinig ko din ang usapan ng mga tao sa labas na sinasabayan nang huni ng mga ibon.

Pagmulat ng mata ko ay ang maliwanag na sikat ng araw ang sumalubong sa akin. Agad akong tumayo sa pagkakahiga at niligpit ang kamang tinutulugan ko.

Hinawi ko ang kurtina at binuksan ang bintana para pumasok ang swerte sa aming munting pamamahay. Nang matapos ako sa ginagawa ay saka ako naglakad palabas ng kwarto. Hindi nababawasan ang ingay ng mga nag-uusap ngunit hindi naman iyon nakakarindi.

Pinagsawalang kibo ko na lamang at mabilis na naglakad papunta sa kusina. Nandoon kasi ang aming banyo. Ngunit gano’n na lamang ang gulat sa buong sistema ko ng makita si Senyorito Lucio.

Sandali?! Nananaginip ba ’ko o talagang nandirito si Senyorito Lucio sa bahay. Pero ano naman ang gagawin niya dito sa amin?!

Upang makasiguro kung hindi ako nananaginip ay padaskol kong kinusot ang dalawang mata ko. At doon ay nakumpirma kong nandito nga siya sa loob ng bahay namin.

Pero bakit nga?!

Napatingin naman ako sa kanya nang bigla siyang tumikhim at umismid. Napalunok ako ng matigas dahil sa kanyang itsura. Nahihiya akong yumuko ng maalalang bagong gising nga pala ’ko.

Ngunit nagawa ko pa rin magsalita sa kabila ng kabang nararamdaman, upang itanong kung bakit siya nandito sa bahay.

“Magandang umaga po, Senyorito. Ano pong ginagawa niyo dito sa bahay?” panimula ko, nakita ko naman ang pagtaas ng sulok nang kanyang labi dahil sa sinabi ko.

“Kasama ko ang papá.”

Papá? Tatay? Si Don Paeng?!

Halos tumumba ako sa kinatatayuan nang maramdaman ko ang panlalambot ng aking mga tuhod dahil sa sinabi niya. Bakit sila nandito? Hindi kaya nagsumbong na siya kay Don Paeng sa ginawa kong pagsampal at pagdura sa kanya nung nakaraan? Napapikit ako ng mariin dahil sa naisip. Huwag naman sana.

“B-bakit po?”

Nagsalubong ang kilay niya sa naging tanong ko.

“Anong bakit?! Nangangampanya kami, Santi.”

Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib sa naging tugon niya. At doon ’ko lang napagmasdan ang kanyang kabuuan. Nakasuot siya ng isang puting t-shirts na may mukha at pangalan ng kanyang ama, habang kulay kupas na pantalon ang kanyang pang-ibaba.

“Kung nagtataka ka naman kung bakit ako nandito sa kusina ninyo ay pinakain kami ng almusal ni Lola Tes. Kumuha lang ako ng tubig para sana uminom.” paliwanag niya bago sumilay ang isang mapanlarong ngisi sa kanyang labi. “Ano bang akala mo?”

“W-wala…”

“Tsk! Silly.”

Tinitigan niya ang kabuuan ko. Mabilis naman akong naglihis ng tingin nang magtama ang mata naming dalawa. Naramdaman ko ang paglapit niya sa pwesto kung saan ako nakatayo kaya nilingon ko siya.

Seryoso ang gwapo niyang mukha na patuloy pa din ang pagsuri sa kabuuan ko.

Ngumisi muna siya bago tumatango tango kalaunan. Naniningkit pa ang mga mata at napa-nguso. Nahagip din ng mata ko ang pagbasa niya sa kanyang ibabang labi bago muling nagsalita.

“Anyway. Magandang umaga din, pero mas…. m-mas m-maganda ka sa umaga.”

Mga salitang mas nagpagulo at nagpalito sa isipan ko ngayong araw.

07

“Kuya Santi? Kuya Lucio?!” ang tawag na iyon ang nagpabalik sa akin sa huwisyo matapos ang nakakagimbal na sinabi ni Senyorito Lucio.

Magkasalubong ang dalawang kilay ni Ben habang nagpapabalik-balik ang kanyang tingin sa aming dalawa ng lalaking nagpapalito at nagpapagulo sa isipan ko ngayong umaga.

“Benjie.” pagbati ni Senyorito Lucio, isang tango naman ang ginawad sa kanya ni Ben bilang sagot.

“Nandito ka din po pala, kuya. Akala ko po ay si Don Paeng lang ang bisita ni lola sa sala.”

Umiling at ngumiti muna si Senyorito Lucio bago sumagot. “Hindi, sinama kasi ako ng papá sa pangangampanya.”

“Ah, kaya po pala. Nag-almusal ka na po ba? Sabay ka na po samin ni Kuya Santi kumain.” masiglang sambit ni Ben, kitang kita ang hindi kaputian niyang ngipin dahil sa pag-ngiti.

“Oo, kakain lang, salamat. Aalis na din siguro kami at marami pa kaming pupuntahan.” paliwanag ni Senyorito Lucio sa naging pagtanggi niya.

“Sige po, nawa’y si Don Paeng po ulit ang manalo.”

“Sana nga, boy.”

Matapos iyon ay tumalikod siya kay Benjie at hinarap ako. Binigyan niya ako ng isang makahulugang ngisi bago naglakad palabas ng kusina. Mabilis nawala ang imahe niya sa paningin ko kaya agad kong pinakawalan ang hangin sa aking lalamunan na kanina ko pa pala pinipigilan.

Dumiretso ako sa banyo para umihi at maghilamos. Pagkalabas ko ay wala na akong naririnig na nag-uusap sa may sala, mukhang umalis na sina Don Paeng at ang kanyang panganay na anak.

Napalingon ako kay Benjie na tahimik na nag-aalmusal sa hapag. Inaya niya akong kumain na agad ko namang pinaunlakan para mawala sa isipan ko ang mga salitang gumugulo at lumilito sa utak ko.

Matapos ang taimtim naming pagkain ay si Benjie na din ang naghugas nang aming pinagkain. Tinawag na kasi ako ni lola sa may sala para tulungan siyang magbalot ng turon, na siyang ibebenta namin mamayang hapon.

“Kumusta naman ang pakiramdam mo sa iniinom mong pills?” tanong ni lola sa gitna nang aming pagbabalot.

Nahinto ako sa ginagawa at tumingin sa kanya. Nilagay ko muna sa plato ang hawak kong turon bago sumagot.

“Ayos naman po, ’la. Bakit niyo po natanong?”

“Napapansin ko kasi na mas lumalaki ’yang dibdib mo. Natatakot lang ako na baka may ibang epekto ’yan sa katawan mo.”

“Wala naman po akong nararamdaman o napapansin na kakaiba sa pakiramdam ko nitong mga nakaraang araw, ’la. Kaya alam ko pong ayos lang ako.”

“Mainam kung gano’n. At dahil pinili mo ng magpakababae ay i-ayon mo din ang sarili mo bilang isang babae. Ayoko ng magaslaw at malaswa ang kilos mo, Santi. Resputuhin mo ang sarili mo para respetuhin ka din nang ibang tao.”

“Opo.”

Matapos iyon ay bumalik siya sa pagbabalot ng turon. Pinagpatuloy ko din ang ginagawa habang nagpatuloy ang pag-uusap namin tungkol sa pills at ang mga pangaral niya.

Hanggang sa napunta ang aming usapan sa naging pag-uusap nila kanina nina Don Paeng. Doon ako muling napahinto sa ginagawa para mas maintindihan ang kanyang sasabihin.

“Nahiya lang ako kanina na banggitin kay Don Paeng ’yung tungkol sa iskolar.” patuloy niya sa pagkukwento.

“Hindi niyo po nasabi sa kanya, ’la?”

“Aba’y hindi. Saka na lang kapag nanuod tayo ng parada. Nabanggit niya kanina na baka sa makalawa ay isagawa na nila iyon.”

“Saan daw po ba gaganapin?”

“Diyaan lang sa kanto.”

Hindi na ’ko kumibo. Sana ay may malapitan si lola tungkol sa iskolar ko. Gustong gusto ko na din talaga mag-aral. Ayokong mainggit dahil ang sabi ni lola ay masama ang makaramdam ng inggit sa kapwa. Ngunit hindi ko maiwasan kung minsan lalo na’t kapag nakikita ko ang mga kasabayan ko sa high school na nag-aaral at pumapasok sa eskwelahan.

“Kaya nga dapat ay makanuod tayo ng parada. Nasabi din kanina ni Senyorito Lucio na may konting salo-salo doon sa ginagawang center pagkatapos ng kampanya.” dagdag niya.

“Kakain po tayo do’n, ’la?”

“Malalaan, pero sa malamang ay kumain tayo ng konti kahit papaano. Nakakahiya naman kay Senyorito Lucio kung hindi natin siya papaunlakan.” aniya sabay budbod ng asukal sa saging na nakapatong sa balat na pambalot. “Nakakatuwa nga ang batang ’yon, kay galang at kabait kausap.”

“Magalang? Mabait?!”

Halos masamid ako ng sarili kong laway matapos kong marinig ang sinabi ni lola tungkol sa ugali ni Senyorito Lucio. Nakita ko naman ang pagsasalubong ng kanyang kilay na halos magdikit sa sobrang pagkunot.

“Oo, Santi. Bakit parang nagulat ka?”

Mabilis akong umiling at yumukod.

“W-wala naman po, ’la. Nagulat lang po ako na may sinabihan kang mabait na tao kahit na kakakilala niyo pa lang.”

Hindi na siya nagsalita at inalis ang tingin sa akin. Binilot niya ang ginagawang turon kaya inabala ko na lang din ang sarili sa ginagawa. Si Lola Tes ang isa sa mga taong alam kong hindi kayang magsinungaling sa sinasabi. At madalas totoo ang sinasabi niya sa isang tao, kaya kung sinabi niyang mabait at magalang si Senyorito Lucio ay may katotohanan iyon.

Pero hindi sumasang-ayon ang aking isipan dahil kahit kailan ay hindi ko nakita ang sinasabi nilang mabait ang lakaki. Lalo pa’t hindi naman maganda ang naging pag uugali niya pagdating sa akin.

Hindi ko lang maintindihan kung bakit kaya niyang magpakabait sa ibang tao pero kapag pagdating sa akin ay naiiba ang kanyang ugali.

Malalim akong napabuntong hininga at inalis ang agam-agam sa aking isipan. Paniniwalaan ko kung ano ang gusto kong paniwalaan dahil nakita ko na ang totoong ugali niya. Sa malamang ay nagpapakitang tao lamang siya sa iba para mas lalong makakuha ng boto sa mga tao. Ayaw niyang ang kagaspangan ng kanyang ugali ang maging dahilan nang pagkatalo ng kanyang ama.

Dumating ang araw na hinihintay namin ni Lola Tes. Ang araw kung saan gaganapin ang pagparada ng mga kandidato habang nakasakay sa kani-kanilang sasakyan.

Ang balita ko ay may artista pang inimbitahan si Don Paeng para mas lalong ma-enganyo ang mga tao manuod.

Nandito kami sa lilim nang isang puno, kung saan mahangin at hindi mainit ang paligid dahil maaga pa. Nilibot ko ang tingin sa paligid. Maraming tao ang gustong makita ang mga politikong kumakampanya. Sana lang ay tuparin nila ang kanilang mga pangako kapag na-upo na sila sa pwesto.

Nasa kanang bahagi ko si lola habang nasa kaliwa ko naman si Rebreb. Kasama din namin si Mader Pao habang si Aling Rica ay hindi na nakasama dahil madali na siyang mapagod, dulot iyon ng kanyang sakit. Mainam na din na hindi siya sumama dahil napakarami talagang tao ngayon.

Hindi ko alam sa iba kung ang mga politiko ba ang kanilang pakay o ang mga artistang inimbitahan ni Don Paeng.

Pamaya-maya pa ay nagsigawan ang mga tao ng makarinig kami ng isang tugtog, kanta nang isa sa mga kuma-kandidato. Partido ito nina Senyorito Lucio kaya hindi nakakagulat na marami ang nasabik na makita sila. Para din talaga silang artista kung ituring ng mga tao dito sa San Pablo.

Mas lalong umingay ang paligid ng may magpaagaw ng kendi para sa mga bata. Mga nanay na kinikilig sa mga gwapong konsehal, mga tatay na nakikipag-kamay, at mga kabataang lalaki na nagpapa-cute sa mga anak na dalaga ng mga kandidato.

Ngunit may mas ilalakas pa pala ang ingay nila. Sa isang malaking truck ay nakasakay ang magkatambal na sina Don Paeng at Konsehal Manuel Alcantara. May kasama din silang dalawang artista na babae’t lalaki kung saan nakapwesto sa magkabila nilang gilid.

Pero ang pinakamamapansin sa truck ay ang lalaking mestizo na kumakaway habang may matamis na ngiti sa labi. Nakasuot siya nang isang puting t-shirts na may pangalan at mukha ng kanyang ama, nakasalamin na itim panlaban sa sinag nang araw, at ang bagong tabas niyang buhok na nagbigay linis sa kanyang itsura.

Napalunok ako ng matigas sa tanawin.

“Tangina, parang mas mukha pang artista si Senyorito Lucio doon sa lalaki. Ang gwapo!”

Rinig kong turan ni Mader Pao sa gilid, ramdam ko din ang kilig niya habang sinasabi ang mga iyon.

“Tama. Titig na titig ka naman bakla!” singit ni Rebreb kaya napalingon ako sa kanya.

“Shhh… Tsk!”

Siniko ko siya ng marahan dahil baka narinig ni Lola Tes ang sinabi niya. Dahan-dahan naman akong lumingon kay lola pero mukhang hindi naman niya narinig iyon dahil nasisiyahan siya sa pinanunuod.

“Ang gwapo mo, Senyorito!”

“Pakasal na tayo!”

“Gawin mo ’kong katulong niyo para araw-araw tayong magkasama!”

Sigaw ng mga ilang kababaihan na halos kasing edad lang namin ni Rebreb. Kinikilig silang naghahagikgikan sa gilid namin.

Mukhang narinig naman iyon ni Senyorito Lucio dahil napalingon siya sa gawi namin. Nagbigay siya ng isang kaakit-akit na ngiti kaya lumabas ang kumpleto at maputi niyang ngipin. Yumuko pa siya ng bahagya, sabay binaba sa pinaka-puno ng kanyang matangos na ilong ang salamin na suot at kumindat.

Halos himatayin naman ang mga babaeng kinindatan niya kaya napa-ismid ako at umiling. Kung alam lang sana nila kung gaano kasama ang ugali ng taong ’yan. Hindi nila makukuhang kiligan ng ganya’n.

“Putangina napaka-gwapo!”

“Nabuntis yata ako!”

“Lord, sana meron pong replika niya kahit isa lang!”

Hindi ko alam kung namamalikmata lamang ako ng binalik ko ang mata sa harapan. Kumaway siya sa pwesto kung nasaan ako habang pinaglalaruan pataas-baba ang kanyang kilay.

Kahit na galit pa rin ako sa gaspangan ng kanyang pag-uugali ay hindi ko maitatanggi na isa ako sa mga babaeng naapektuhan sa kanyang ka-gwapuhan. Pero agad ko iyong inalis sa isipan ko dahil naiinis pa rin ako sa kanya.

Matapos ang papanuod namin ng parada ay agad kaming inaya ni Lola Tes na magpunta sa ginagawang center malapit sa amin dahil baka daw biglang dagsain ng mga tao kapag nagpa-mamaya pa kami.

“Korek naman si mudji. Atsaka para mas marami tayong mapagpilian na pagkain.” ani Mader Pao atska tumawa.

“Ito kasing si Santi ay napakamahiyain.” paggatong ni Rebreb, binigyan niya pa ’ko ng mapang-asar na ngiti kaya inirapan ko siya.

“Apo, alam kong sinasabi ko sayo na masama ang tumanghod sa pagkain. Pero iyon ay pagkain naman nating lahat, para iyon sa atin.” paliwanag ni lola.

“Hindi naman po ako nahihiya, lola. Sadyang naiinitan lang po ako kaya parang gusto ko ng umuwi.”

“Oh sige, pagtapos natin kumain ay uuwi na agad tayo sa bahay.” nakangiting saad ni lola, tumango na lamang ako.

Nang marating namin ang pagsasagawaan ng pagsasalo ay marami na ang tao. Kanya-kanya din silang kuha ng pagkain na para bang manghang mangha sila sa nakikita. E, kung sabagay minsan lang naman kami makakatikim ng pagkain ng mayayaman kaya hindi ko sila masisisi kung bakit sila namamangha.

Lumapit kami kung saan nakapila ang mga tao para kumuha na din ng mga pagkain na pinamimigay.

Habang nakapila kami ay sinuri ko kung ano ba ang pinamimigay na pagkain, doon ay nakita ko ang mga pagkain na nakalagay sa isang malaking styrofoam. Meron din nagpapamigay ng juice na kulay berde, nakalagay sa isang malaking plastic cup. At ang kinamamangha pala ng mga tao ay ’yung mga tsokolateng nakalagay sa isang supot.

“Salamat po.” sambit ko matapos abutin ang pagkain na inabot ng isa sa mga nangangasiwa.

Kumuha din ako dalawang supot ng tsokolate para i-uwi sa dalawa kong kapatid dahil hindi sila sumama sa amin ngayon. Ewan ko ba naman sa dalawang ’yon kung bakit hindi sumama, sayang nga itong mga pagkain na pwede sana nilang matikman.

Naupo kami sa isang pabilog na lamesa. Tahimik lang kaming kumakain ni Lola Tes habang sina Mader Pao at Rebreb ay may pinag-uusapan. Hindi ko na inusisa pa kung ano ’yon at pinagpatuloy na lamang ang pagkain.

Tapos na kami kumain ng magkasamang dumating sina Don Paeng at Manuel Alcantara. Nakita ko naman ang pag-ngiwi ni Rebreb kay konsi, na siyang kinatawa ko. Iba talaga ang galit niya sa lalaki.

Pinagmasdan namin kung paano nakipagkamay ang dalawang kandidato sa mga taong nandirito. Kanya-kanya namang pasasalamat ang ginawa nila.

Bago pa makalapit sina konsi sa aming lamesa ay naramdaman ko ang pag-ikot ng sikmura ko at para akong masusuka. Mukhang napansin naman iyon ni Lola Tes dahil bigla siyang nagsalita.

“Ayos ka lang ba, Santi, apo?” kunot noo niyang tanong, tumango naman ako dahil wala akong lakas na sumagot pa.

“Banyo lang po ako, iwan ko muna kayo.” paalam ko.

“Sige, yosi muna ko.” si Mader Pao.

“Sama ko sayo, ’ma.” saad ni Rebreb.

Lakad takbo ang ginawa kong paglalakad dahil nasusuka na talaga ’ko. At kung suswertehin ka nga naman ay hindi ako makakita ng banyo kaya naglakad ako sa pinakalikod na gusali nitong ginagawang center para doon ilabas ang suka ko.

Napapangiwi akong nag-ayos ng tayo matapos kong ilabas ang kinain kong pagkain. Hindi ko alam kung bakit sumakit ang tiyan ko sa pagkain, mukhang ayos naman sina lola.

Hindi kaya nausog ako?

Pinahiran ko ang labi ko gamit ang likod ng aking palad. Napaharap naman ako sa gilid ng may marinig akong kaluskos.

At doon ay nakita ko si Senyorito Lucio na nakatalikod sa akin. Hapit na hapit ang kanyang katawan sa suot na t-shirts kaya namumutok ang mga braso niya sa manggas. Kitang kita ko din ang malapad niyang likuran habang tahimik na umiihi.

Napalunok ako at parang kinuryente ang buong katawan sa nasaksihan. Agad kong naramdaman ang pamumutla nang bigla siyang lumingon sa akin.

Nakita ko ang gulat sa mata niya ngunit agad naman iyong napalitan nang isang ngiting aso. Halos takasan ako ng bait dahil dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa akin. Nakapaskil pa rin sa kanyang mukha ang pag-ngisi.

“A-anong g-gagawin mo?” uutal-utal kong sabi, mas lalo naman lumaki ang ngisi niya.

“Kinakabahan ka?”

“A-ano bang gagawin mo?! Tumigil ka! Huwag kang lalapit!”

Dinuro ko siya habang umaatras ako palayo sa kanya. Pero imbes na pakinggan ang sinabi ko ay mas lalo siyang naglakad papalapit sa akin, ngiting aso pa rin.

Magkatitigan kami habang patuloy akong umaatras ngunit bigla iyong naputol nang magsalubong ang dalawa niyang kilay. Nakatingin siya sa likod ng paanan ko.

“Stop! Watch your step, Santi!” utos niya, seryoso ang tono. Pero hindi ko siya pinakinggan, umatras pa din ako. “Tangina! Hinto sabi!”

“Ayoko! Lumayo ka sak—”

Hindi ko natuloy ang dapat kong sasabihin ng maramdam kong nahulog ang kanan kong paa sa isang butas. Buti na lang ay maagap si Senyorito Lucio dahil bigla niya akong nasapo sa bewang kaya hindi ako nahulog ng tuluyan.

“Ouch! Ang s-sakit.” daing ko nang maramdaman na may mahapdi sa bandang binti ko.

“Potangina! Ayos ka lang ba?” tanong niya, kitang kita ang pagtaas baba ng kanyang dibdib.

Umiling ako.

Bumaba ang mata niya sa binti ko. Napakamot siya sa kanyang batok sabay napailing. Nang muli siyang tumingin sa akin ay matalas na ang pinupukol niyang tingin.

“Ang kulit mo kasi! Sabi ko huminto ka, pero hindi ka nakinig. Tingnan mo nagkagalos ka pa tuloy. Tsk!” ramdam ko ang pagkayamot niya sa akin kaya sinamaan ko din siya ng tingin.

“May k-kasalanan ka din naman kung bakit ako nahulog sa butas. Ayaw mong h-huminto sa paglapit sa akin.”

“Kasalanan?! Bakit ano bang inaakala mong gagawin ko sayo kapag nakalapit ako ng tuluyan?Ha?!”

Natahimik ako sa naging tugon niya. Bukod sa maangas iyon pakinggan ay may punto naman siya. Ano nga ba ang iniisip kong gagawin niya kapag nakalapit siya. Malalim akong napabuntong hininga.

“See?!”

“Hindi mo ’ko m-masisisi at nakita ko na ang k-kagaspangan nang ugali mo.”

“Tsk! Inaasar lang kita no’ng una tayong magkita. Kasalanan ko—sige, pero hindi ko naman kasi alam na hindi ka kagaya ng ibang bading na hindi agad nasasaktan sa gano’ng klaseng biro… pasensya na.”

Natahimik ako sa narinig kong paliwanag mula sa kanya. Nag-iwas ako ng tingin nang maramdaman ko ang pag-init ng aking mga pisngi. Muli naman siyang nagsalita ng hindi ako kumibo.

“Tara, gamutin natin ’yang galos mo.”

“H-hindi na po kailangan, Senyorito.”

“Tangina naman, Santi. Iyan ka na naman sa kakulitan mo.”

Umismid siya pero nagulat naman ako ng bigla niya akong mahinang hilahin sa may bewang at braso. Inalalayan niya akong maglakad kaya wala na akong nagawa kung hindi ang magpatianod.

“Dito tayo dumaan sa walang tao. Baka mamaya may makakita sa atin gawan pa ng chismis. Ikatalo pa ng papá.”

Hindi ako kumibo dahil hindi ako mapakali sa mga kamay niyang nakahawak sa bewang at braso ko. Pakiramdam ko ay nagpipigil na naman ako ng hangin sa lalamunan. Ayokong malaman niyang dumadagundong na naman ng malakas ang dibdib ko, na tanging siya lamang ang kayang gumawa.

Sa isang sasakyan na puti niya ako pinasakay. Wala naman akong kibo habang hinihintay ang gagawin niya. May hawak siyang betadine at bulak.

Pinatakan niya ’yung bulak ng betadine at inumpisahan ang pagpahid sa binti ko. Tahimik lang naman akong nakatingin sa ginagawa niya. Kaya hindi ko maiwasan na purihin ang kanyang istura sa aking isipan. Lalo pa ngayong bagong gupit siya.

Kinagat ko ang ibabang labi sabay iwas ng tingin. Luminga ako sa labas ng bintana at pinagmasdan ang mga puno. Ngunit hindi nagtagal ang pagmumuni-muni ko nang bigla siya magsalita.

“Ayos na, nalinis ko na.”

Napadako ang tingin ko sa binting ginamot niya.

“S-salamat po, Senyorito.” nakayukong kong saad.

Napa-angat ang tingin ko ng marinig ang pagtikhim niya. Mariin siyang nakatingin sa akin gamit ang seryoso at mapupungay niyang mata.

“Next time, mag-iingat ka… dahil baka sa susunod, hindi na kita kayang saluhin pa.”

08

“Mahapdi pa ba?” tanong ni Senyorito Lucio. Mababa ang boses niya, halos bulong na lang habang nakatitig sa akin. Mabilis akong umiling-iling at agad na nag-iwas ng tingin dahil pakiramdam ko ay mapapaso ako sa titig niya.

“H-hindi na po. Salamat,” sagot ko habang nagkukunwaring may sinusuri sa paanan ko. “L-lalabas na po ako.”

“Okay,” maikling sambit niya.

Nag-angat ako ng tingin dahil ang tipid ng sagot niya. Doon ko nakita ang marahan niyang pag-ngisi, tila ba kanina pa niya inaabangan na magtagpo muli ang mga mata namin. Nagsalubong ang mga kilay ko sa pagtataka, kaya agad siyang nagtaas ng kilay sa panlalaking paraan.

“What?!”

“Uh… hindi ko po kasi alam kung pa’no b-buksan ’yung pintuan ng kotse, Senyorito.”

Tumango-tango siya, pero hindi man lang nawala ang ngisi sa kanyang labi. Bahagya pa siyang nag-iwas ng tingin para pigilan ang tawang kumakawala sa kanya. Pinagtatawanan niya ba ’ko? Dahil lang hindi ako marunong magbukas ng pinto ng kotse?

Ang sama talaga ng ugali nito kahit kailan. Hindi ko maintindihan kung paano nasasabi nina Ken at Lola Tes na magalang at mabait itong si Senyorito Lucio. Puro kabwisitan lang ang dinulot niya sa akin. Pwera na lang siguro itong paggamot niya sa akin ngayon, sige ibibigay ko ’yon. Pero halos lahat ng pagkikita namin, puro pang-aasar lang ang ginawa niya.

Napa-irap ako. “Lalabas na po ako. Baka po kasi hinihintay na ako nina lola.”

“Teka. Titingnan ko muna kung may tao sa labas,” pigil niya sa akin. Inilapit niya nang bahagya ang mukha niya habang sumisilip sa bintana. “Mamaya makita nilang bumaba ka rito, akalain pa babae kita. Hindi nila alam e chiks…” hindi niya tinuloy ang sasabihin at biglang humalaklak nang malakas.

Naiirita akong bumuntong hininga. Mapang-asar talaga kahit kailan!

“Bakit ba ang dali mong maasar?” tanong niya. Bakas pa rin sa mukha niya ang mapaglarong ngiti na para bang tuwang-tuwa siya sa pagkairita ko.

“E, bakit po ba ang hilig niyong mang-asar?” pinilit kong magtunog magalang, pero bakas pa rin ang inis sa boses ko.

“Natutuwa kasi ako sa reaksyon mo.”

Muli akong napa-iwas ng tingin nang bigla siyang ngumiti nang mas malalim habang pinaglalaruan ang kanyang kilay. Gustong gusto mainis ng utak ko, pero itong dibdib ko ay parang sasabog na sa bilis ng pagtibok. Hindi mo talaga maitatanggi ang taglay niyang kagwapuhan, lalo na sa malapitan. Napailing na lang ako.

Maya-maya ay nakarinig ako ng isang tunog. Binuksan na niya ang lock ng pinto. Hindi ko na inalam pa kung paano niya ginawa iyon, at basta ko na lang iyon itinulak para makalabas na.

Pagkababa ko, para makabawi sa lahat ng pang-aasar niya, buong lakas kong ibinalibag ang pinto ng kotse niya. Nangingiti akong naglakad papalayo, pero mas lumawak ang ngiti ko at napakagat-labi nang marinig ko ang huling sinambit niya na bakas ang gulat at pagkaasar.

“Putcha! Honda Civic ’to, Santi!”

Nang makarating ako sa pwesto kung saan kami naka-upo kanina nina lola ay si Rebreb na lang ang ang inabutan ko doon. Tinanong pa nga niya ako na may halong pagtataka dahil bakit daw parang masaya ako at bakit daw ako nagtagal sa banyo.

Syempre, kinailangan ko na magsinungaling sa kanya para hindi na magtagal pa ang maging pag-uusap namin. Napagpasyahan naming umuwi na din dahil wala naman na kaming gagawin pa dito. Isa pa, baka mamaya ay mabalikan ako ni Senyorito Lucio, lalo pa akong pag-initan.

Lumipas ang araw at heto kami nina Mader Pao sa kanto, nagmemeryenda na naman nang ihaw-ihaw.

“Ano daw ba balita doon sa iskolar mo, Santi?” ngumunguyang tanong ni Rebreb, tinapon niya muna ’yung stick bago ako pinagmasdan ng maiigi.

“Hindi ko alam kay lola. Sabi niya ay malabo ang naging pag-uusap nila ni Konsi Alcantara, pero huwag daw muna akong mawalan ng pag-asa dahil baka naman daw may malapitan pang iba.”

“Sabi ko ko naman kasi sayo. Bwisit ’yang si Alcantara. Tapos gusto mo pang iboto?!” napapailing na sabi ni Rebreb. Nag-ikot pa siya ng mata dahil sa inis.

“Sabi ko din naman kasi sayo, Santi, isasali kita ng Miss Gay. Susubukan mo lang naman, pandagdag din sa pag-aaral mo, pwede mong pambaon,” si Mader Pao.

Iniikot-ikot niya ang stick na may betamax sa plastic cup na hawak-hawak. Kumagat pa siya doon habang nakataas ang isang kilay, hinihintay ang sagot ko sa kanyang sinabi.

“Wala pa po kasi talaga akong lakas ng loob na sumali sa Miss Gay, Mader Pao.” paliwanag ko.

Totoo naman kasi, hindi pa ganoon kalakas ang loob ko na humarap sa maraming tao. At hindi din ako ganon ka-confident na mag-suot ng two-piece o kahit one-piece na swimsuit sa harapan ng mga manunuod. Iyon ang isa pa sa iniisip ko kaya hindi pa buo ang desisyon ko na sumali.

“Halos lahat naman nang unang sumasali sa kontes ay kinakahaban, Santi. Kahit na si Basha na panaluhin ngayon ay kinabahan din ’yon sa una niyang pagsali ng kontes. Hindi naman siya mahusay na kaagad.”

“Pag-iisipan ko po, Mader Pao.”

“Oh bahala ka.”

Huli niyang sabi bago inubos ang pagkain sa plastik cup na hawak. Kumuha pa ulit siya ng isang stick at dinawdaw sa cup habang napapa-ismid sa naging sagot ko.

“Teka, gusto mo ba samahan kita sa bayan para makapagtanong-tanong tayo sa mga eskwelahan doon kung tumatanggap sila ng iskolar?” biglang singit ni Rebreb. Napangiti naman ako. “At kung magkano ang aabutin ng matrikula sa kursong kukunin mo,” dagdag pa niya.

“Oo naman,” tipid kong sagot.

“Ayan, sige sige. Pero kailan ba?”

“Malalaan, kapag nakausap ko na ulit si lola.”

Nagkibit balikat na lang siya at hindi na nagsalita pa. Tahimik na lang din akong kumain habang pinagmamasdan ang mga taong naglalakad kaliwa’t kanan sa pwesto kung saan kami naka-upo at kumakain ng meryenda.

Kinagabihan ng araw na iyon ay matapos namin maghapunan at gawin ang dapat gawin ay nanuod kami sa sala ni Benjie ng teleseryeng sinusubaybayan namin tuwing gabi.

Napatingin ako sa orasan, mahigit alas otso ng gabi. Nagpaalam si Ken na pupunta muna siyang bilyaran matapos namin kumain ng hapunan. Ang sabi niya kay Lola Tes, bago mag-alas nuebe ng gabi ay uuwi na siya. Pumayag naman si lola.

Nang matapos ang unang teleserye ay muli akong napatingin sa orasan. Mag-aalas nuebe na ng gabi, kaya napagpasyahan ko ng sunduin si Ken sa bilyaran dahil paniguradong nalibang na naman iyon sa paglalaro, para bago din muling maalimpungatan si lola ay nandito na si Ken.

“Susunduin ko lang si Kuya Ken mo, Ben. Kapag nagising si lola at wala pa kami sabihin mo ay sinundo ko na,” panimula ko.

“Gabi na, Kuya Santi. Uuwi din ’yon si Kuya Ken.” may halong pag-aalalang tugon ni Ben.

“Mainam ng sunduin ko kaysa naman mag-alala na naman si lola dahil gabi na ay wala pa siya.”

“Sige… ikaw bahala, kuya.”

Napanguso na lang siya bilang pagsuko at hindi niya ako napigilan. Agad akong tumayo at lumabas ng bahay. Hindi naman nagtagal ang paglalakad ko at narating ko agad ang bilyaran.

Ngunit gano’n na lamang ang pagtataka ko ng makitang si Marco lang ang naglalaro. Talagang siya lang. Mag-isa. Walang kalaro.

Gamit ang naguguluhan kong mukha ay nilapitan ko siya upang tanungin kung nasaan ang kapatid ko. At kung bakit walang tao ngayong gabi sa bilyaran nila. Na talaga namang nakakapagtaka.

“Uy, Santi. Lalaro ka? Marunong ka ba?” ang mapagbiro niyang tanong, kahit gabi na ay mukhang ang dami pa rin niyang enerhiya.

Tipid akong ngumiti. “Hindi. Susunduin ko sana si Ken, kaso lang ay mukhang wala dito dahil walang tao. Baka alam mo kung nasaan siya?”

“Naku, hindi e. Halos kakauwi lang kasi namin nila papa, kaya nga kabubukas lang din nitong bilyaran. Pero mukhang isasara ko na din at wala ng nagpupunta.”

“Gano’n ba? Sige sige, salamat.”

Tatalikod na sana ako sa kanya ng bigla niya akong pigilan. Kumunot tuloy ang kilay ko.

“Sandali, gusto mo samahan kitang hanapin siya? Baka naman na kina Joshua, madalas kasi ay tumatambay din sila doon kapag hindi naglalaro dito. Baka naman sakaling nandoon siya.”

Napangiti naman ako sa sinabi niya at tumango. Tipid din siyang ngumiti bago sinabing aayusin lang muna niya ’yung ibang gamit dito sa bilyaran bago kami umalis.

Habang naglalakad kami papunta sa bahay nina Joshua ay hindi ko maiwasan na mahiya dahil madalas kong mahuli ang paglinga sa akin ni Marco. Hindi ko tuloy alam kung may dumi ba ako sa mukha o may gusto siyang sabihin.

Kaya nang hindi ko makayanan ay ako na mismo ang unang nagsalita. “Ano ba pinag-uusapan niyong mga lalaki na kailangan pang abutin ng hating-gabi?”

Natawa naman siya sa tabi ko.

“Marami, iba-iba. Depende kasi sa kaharap at depende kung ano ’yung iniinom,” aniya habang natatawa, na siya namang nagpakunot ng noo ko.

Kuha ko ’yung sinabi niya, pero ang nagpagulo sa isipan ko ay kung umiinom na ba ’yung kapatid kong si Ken. Malalagot talaga siya kay Lola Tes kung sakali man. Ang bata-bata pa niya. Menor de edad pa.

“Maiba ko, Santi. Invite sana kita sa susunod na linggo. Makapunta ka sana sa bahay.” patuloy niya sa pagsasalita, pero sa pagkakataong ito ay mukhang nahihiya siya dahil bigla na lamang siyang nag-iwas ng tingin habang kumakamot sa likod ng batok.

“Anong meron?” nagtataka kong tanong.

“Ika-labing siyam kong kaarawan, Santi.”

Nagulat naman ako at nakaramdam ng konting hiya sa naging sagot niya. Bakit ba kasi naisipan ko pang itanong kung ano ang meron sa susunod na linggo.

Dahan-dahan naman akong tumango habang naiilang na ngumiti kay Marco. “Oo, naman p-pupunta ’ko.”

“Ayon, hindi na kasi kita naimbitahan no’ng piyesta kaya sana makapunta ka ngayong birthday ko. Atsaka dito lang naman samin gaganapin.”

“Ano ka ba! Wala naman problema sa akin ’yon.”

Matamis kaming nagkakatigan matapos ang pag-uusap na iyon. Nagpatuloy kami sa paglalakad papuntang bahay nina Joshua.

Nasa bungad pa lamang kami kung saan nakatayo ang bahay nina Joshua ay kitang kita mo na ang mga lalaking nakapa-ikot sa isang lamesa habang masayang nagtatawanan. Iba’t iba ang edad na makikita mo roon, mga kabataan, at may mga talagang tatay na.

“Uy, bossing! Tagay mo muna,” sigaw ni Rico mula sa pwesto nila habang may ngiti sa labi, nakataas din ang isang braso na may hawak na maliit na baso.

Dahil sa pagtawag ni Rico kay Marco ay napalingon ang mga taong nasa lamesa kung saan kami kasalukuyang nakatayo. Nilibot ko ang paningin ko sa kanila, hinahanap ang imahe ng kapatid ko. Ngunit hindi ko siya makita o matanawanan man lang.

Sa paglinga ko ay ang magulong mukha ni Senyorito Lucio ang nagpatigil sa akin sa paghahanap. Nakasibangot siya habang mariin ang titig sa akin. Napalunok naman ako dahil sa itsura niya. Ano na naman kaya ang problema ng taong ’to?!

“Tara, Santi, lapit muna tayo doon,” pag-aya ni Marco, na siyang agad na tinanguan ko.

Bago pa kami tuluyang makalapit ay ang hindi natutuwang imahe ni Senyorito Lucio ang sumalubong sa amin. Hindi magpantay ang kilay niya sa sobrang pagkunot nito at mariin ang titig niya sa akin… sa akin mismo.

“Senyorit-”

Hindi na natuloy ni Marco ang pagbati niya dahil bigla siyang pinutol ni Senyorito Lucio sa isang mababa, matalim, at seryosong boses.

“Bakit kasama mo si Santi, ’tol?”

“Uh, hinahanap kasi namin ’yung kapatid niya, pare,” naiilang na sagot ni Marco. Ramdam mo kasi ang kaseryosohan sa boses ni Senyorito.

Bigla naman niya akong binalingan ng tingin. Nakataas ang isang kilay na tila ba hinihintay ang paliwanag ko kung bakit nga ba ako nandito sa harapan niya ngayon. Napapisil ako sa mga daliri ko ng wala sa oras.

Pero teka nga?! Bakit ba ako kinakabahan sa paraan ng pagtitig niya sa akin? Hindi niya naman kami pag-aari o utusan, kaya hindi namin responsibilidad magpaliwanag sa kanya.

“Bossing! Naburo na ’yung tagay mo dito.” napalingon kaming tatlo nang muling tawagin ni Rico si Marco. “Hinahanap niyo ba si bayaw mo?” dadag niyang may mapang-asar na ngiti sa labi.

Napailing si Marco sa tinuran ni Rico, habang kaming dalawa ni Senyorito Lucio ay kunot-noong naguguluhan.

“Gago!” natatawang sabi ni Marco kay Rico. “Teka lang, Santi. Tagayin ko lang ’yon,” patuloy niya sabay marahang humagod sa likuran ko, na siyang sinundan ng tingin ni Senyorito Lucio.

Binigyan niya ng isang tapik sa balikat si Senyorito Lucio. Hindi iyon binigyan pansin ng huli, bagkus ay madilim siyang nakatingin sa kamay at likuran kong hinaplos ni Marco. Kitang-kita ko din kung paano umangat ang isang sulok ng kanyang labi.

Nang tuluyan ng mawala sa pwesto namin si Marco ay saka lang muling nagsalita si Senyorito Lucio.

“Bayaw ang pota! Baduy, tsk!” singhal niya atsaka binukol ang kanyang dila sa kaliwang pisngi habang naiiling. “Gabi na ah, bakit lumabas ka pa?”

“Nasaan po si Ken?” tanong ko, iniwasan na sagutin ang kanyang tanong. Hindi naman kasi iyon ang pinunta ko dito.

“Pauwi na ’yon, nautusan lang bumili ng alak. Magkasama sila ni Joshua.”

Napabuntong hininga ako sa narinig.

“Umiinom si Ken?”

“Hindi. Alam kong magagalit ka kaya hindi ko hinayaan na uminom. Ihahatid ko na din sana kaso lang ay nautusan pa silang bumili.”

Napatango tango na lang ako, lumagpas ang tingin ko sa kanya. Sinisilip kung nandoon na ang kapatid ko. Pero ang nagtatanawanan pa rin na mga kalalakihan ang nakita ko.

“Halika na. Umuwi ka na, ihahatid kita.”

Mabilis akong napalingon sa kanya na may pagtataka dahil sa bigla niyang sinambit. Seryoso at mariin ang titig sa akin. Ano daw?! Umuwi na? Bakit?! Wala pa ’yung kapatid ko e, kaya umiling-iling ako.

“Hindi na po. Hihintayin ko na lang po munang dumating si Ken, Senyorito.”

Napahilamos siya sa mukha dahil sa narinig na sagot ko. Narinig ko pa ang mahinang niyang pagmumura atsaka mariin na napapikit.

Matapos iyon ay marahan niya akong hinawakan sa magkabilang balikat atsaka ako binigyan ng isang madilim at nakakapasong tingin. Matigas akong napalunok sa sariling laway.

“Hindi. Uuwi ka na. At ihahatid kita.” maawtoridad ang kaniyang boses at walang bahid ng biro.

Ngayon ko na lang ulit narinig na magsalita siya ng ganyang kaseryoso at ganyan katapang ang itsura. Na tila ba wala akong ibang pagpipilian kung hindi ang sumunod sa kung ano man ang sasabihin o ipag-uutos niya.

“Kapag sinabi kong ihahatid kita, ihahatid kita. At kapag sinabi kong uuwi ka, susunod ka. Naiintindihan mo?!”

09

“Halika na. Mas lalong lumalalim ang gabi,” maawtoridad pa rin ang tono ng boses ni Senyorito Lucio habang sinasabi ang mga katagang ’yon.

Ngunit hindi ako nagpadaig sa nakikitang dilim at talim sa kanyang mukha. Imbes na matakot ay pinantayan ko ang pagiging dominante niya. Hindi ako nagpakita ng kahit na anong senyales ng takot mula sa kanya, pero ang totoo ay kumakalabog na naman ng malakas ang puso ko.

“Hihintayin ko nga po ang kapatid ko, Senyorito.”

Napakamot siya sa leeg habang naiiling. Tinitigan ko siya, hindi maintindihan kung bakit ba pilit niya akong pinapauwi, e sinabi ko ng hihintayin ko si Ken.

“Bakit ba ang kulit mo?!” singhal niya, ang mga kilay ay halos magdikit na sa pagkakakunot ng kanyang noo.

“Kayo ho ang makulit,” ani ko atsaka naglakad papalit sa pwesto nila Marco kung saan sila nag-iinuman.

Ngunit hindi pa man ako nakakatatlong hakbang ay hinablot na ni Senyorito Lucio ang braso ko kaya muli akong napaharap sa kanya. Binigyan ko siya ng isang naguguluhan na tingin dahil sa ginawa.

“Ano po ban-”

“Uwi na. Sige na.”

Kung kanina ay may dilim at matalim ang tingin niya sa akin, nawala iyon bigla at napalitan ng isang nangungusap na mata. Tila ba nakikiusap ang mga mata niya na sumunod ako sa sinasabi niya.

Matigas akong napalunok dahil sa itsura niya.

“B-bakit po ba pilit niyo ’kong pinauuwi?” kunot-noo kong tanong sa kanya, na siyang sinagot niya ng isang malalim na buntong-hininga.

“Kasi nga puro lalaki ang nandoon, Santi. Mga lasing na din. Hindi mo naman kilala mga ’yan kapag may tama ng alak. Kaya umuwi ka na. Uwi na tayo. Ihahatid kita.”

Pinagmasdan ko siyang mabuti. Nandoon pa rin ang nangungusap niyang mata. At doon ko lamang din napansin na hindi pala niya tinanggal ang pagkakahawak ng kamay niya sa braso ko.

“Tignan mo nga ’yung nagsama sayo dito, nag-eenjoy na tumagay,” tinuro niya si Marco habang nakataas ang sulok ng kanyang labi, tila hindi natutuwa sa nakikitang itsura ni Marco ngayon.

“E… p-paano po si Ken?” ang tanong ko at marahang napayuko.

“Ibibilin ko kay Manong Ruben na ihatid kaagad kapag dumating na,” paliwanag niya na siyang tinanguan ko kaagad. “Halika na?”

Hindi na ako sumagot at basta na lamang siyang tinalikuran. Narinig ko pa ang pagtawag niya kay Manong Ruben at mukhang ibinilin niya nga na ihatid si Ken sa amin.

Maya-maya ay naramdaman ko ang pagsunod niya sa likuran ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa mga oras na ito. Isang mahirap na bakla ay ihahatid sa bahay nila nang isang haciendero na anak pa ng kanilang kasalukuyan na Mayor.

Napapailing-iling na lamang ako sa mga nangyayaring ’to. Buti na lamang din ay nakarating kami sa tapat ng bahay na hindi naman niya ako sinabayan sa paglalakad. Basta lang siyang nakasunod sa likod ko na para bang isa siyang guwardiya.

Talaga lang, Santi, ha?! Ganyang kagwapong guwardiya? Boses sa utak ko. Ano ba ’yan?!

“Uh, s-salamat po, S-senyorito,” bigkas ko, matapos ko siyang lingunin at huminto sa tapat mismo ng aming bahay.

Tumango siya. “Pasok na, huwag mo na isipin si Ken. Ihahatid ’yon ng buo ni Manong Ruben.”

Mabilis akong tumango-tango at binigyan pa siya ng isang tipid na ngiti bago ako tuluyang tumalikod para pumasok sa loob ng bahay.

Nang makapasok sa mismong bahay ay agad akong napa-upo sa kawayang sopa na nasa sala. Napabuga ako ng hangin at pilit isinantabi ang mga naglalarong bagay sa aking isip dahil sa paghatid niya sa akin.

“Wala lang iyon, Santi. Wala lang. Baka iyan na ’yung sinasabi nina Lola Tes at Ken na mabait nga si Senyorito Lucio,” pagkausap ko sa sarili ko, madiin ko pang nakagat ang ibabang labi ko dahil sa mga naiisip.

Nasa dalawang minuto lang yata simula no’ng makauwi ako ay nakauwi na din ang kapatid kong si Ken. Hinatid nga siya ni Manong Ruben, inamoy ko pa siya ng mabuti para mapatunayan na hindi talaga siya uminom. Hindi naman amoy alak kaya hinayaan ko na. Buti na lamang din kamo ay mukhang hindi nagising si Lola Tes.

“Lola, aalis po ako ngayon. Pupunta po kaming bayan ni Rebreb,” sambit ko matapos kong lumabas ng banyo.

Napatingin sa akin si Lola, tinaasan niya muna ako ng isang kilay bago tumango-tango. Dumiretso ako sa kwarto at inasara iyon para makapagbihis ako ng payapa.

Isang simpleng t-shirts lang at isang kupas na maong shorts na lagpas tuhod ang naisipan kong isuot. Ayoko naman isuot pa ’yung mga bestidang binigay ni lola dahil sa eskwelahan naman ang punta namin, hindi naman iyon handaan.

Matapos akong mag-ayos ay muli akong lumabas ng bahay para puntahan na si Rebreb. Sasabihin ko pa ba kung nasaan ang mga kapatid ko? Malamang ay nasa lansangan na ang mga iyon.

Alas nuebe pa lamang ng umaga kaya hindi pa masakit sa balat ang araw ngayon. Nang marating ko ang bahay nila Rebreb ay agad ko siyang sinugod para ayain ng umalis, buti na lang din ay nakagayak na siya. Simple lang din ang suot niyang damit dahil nga magtatanong lang naman kami sa bayan.

“Santi, inimbitahan ka din ba ni Marco sa birthday niya?” basag ni Rebreb sa gitna ng tahimik naming paglalakad.

Tumango ako. “Oo, ikaw din ba?”

“Uhuh, pati na rin sina Mader Pao ay inimbitahan. Tuwang tuwa nga ang malantod at marami daw ang lalaki no’n panigurado.” natawa siya sa huling sinambit, na inilingan ko naman.

“Dapat pala ay makabili na din tayo ngayon ng regalo tutal ay sa bayan naman ang punta natin.”

“Ay, oo! Tama ka diyan. Ang galing ng isip mo!”

Inirapan ko siya dahil may halong pang-aasar ang sinabi niya. Mas lalo naman tuloy lumakas ang pagtawa niya dahil sa pag-irap ko. Hindi ko na lang siya pinansin.

Nang maubos ang pagtawa niya ay bigla niya akong kinalibit kaya nakasibangot ko siyang binalingan.

“Galit naman agad?! Pero maiba ’ko. Pagkatapos natin magtanong sa school ay samahan mo kong bumili ng gamot, ha!”

“Sige, pero kumusta si Aling Rica? Bumababa ba ang sugar niya?”

“Ayos naman, basta kailangan ay may pambili lang lagi ng gamot para hindi lumala. Mamaya sabihin ng doktor ay mag-insulin na, mas mahirap ’di ba?”

Tumango tango ako at tipid na ngumiti. Naiintindihan ko siya, mahirap ang mayroong kapamilyang may sakit. Kaya nga kahit nahihirapan na ako kung minsan magtinda, kinakaya ko ’yon huwag lang mapagod ng sobra si Lola Tes. Lagpas na sa senior citizen ang edad niya, sixty two na siya pero nakukuha niya pa rin maghanap-buhahy para sa aming mga apo niya.

Hindi naman nagtagal ang paglalakad namin papuntang bayan. At nang tuuyan nga kaming makarating ay pumasok na kami sa isang State University na siyang pinag-aaralan ni Rebreb.

Habang naglalakad kami sa loob ng eskwelahan ay hindi ko maiwasan ang mamangha dahil ang laki din talaga ng eskwelahan na ’to. Malaki ang espasyo ng daan kung saan kami kasalukuyang naglalakad ngayon ni Rebreb. Ang mga punong marahan na sumasayaw dahil sa hangin. At ang mga silid-aralan na nagtataasan at nag gagandahan dahil mukhang bagong bago pa rin ang mga pinturang ginamit.

Bago pa ako tuluyang malunod sa kakalinga sa paligid ay mabilis kong kinuha ang braso ni Rebreb para bilisan namin ang paglalakad papuntang office kung saan magtatanong kami kung magkano aabutin ang isang semester sa eskwelahan na ’to.

“Kung HRM ang kukunin mong kurso ay aabutin ng tatlong libo per sem. Pero kung makakakuha ka ng iskolar ay much better, hija. Ang kailangan mo na lang intindihin ay ’yung ibang bagay na pag-gagastusan niyo kapag nag-umpisa na ang klase,” mahabang paliwanag ng taong kausap namin ngayon dito sa Admission Office.

Marahan akong napatango-tango sa narinig. Ang laking tulong pala kung makakakuha ako ng iskolar. Para iyong ipon ni lola ay mailaan ko sa ibang bagay kapag natuloy akong mag-aral.

Nagkatinginan muna kami ni Rebreb bago ko binalingan ng tingin ’yung taong nasa loob.

“Salamat po, balik na lang po kami kapag po mag-eenroll ako. Una na po kami, ma’am.” magalang kong sabi na ginantihan niya ng isang ngiti.

“Salamat po,” si Rebreb kay ma’am na nasa loob ng opisina.

Binigyan niya lang kami ng isang tipid na tango bago kami tuluyang tumalikod ni Rebreb sa kanya para bumili ng gamot ng kanyang inang si Aling Rica.

Nang makalabas kami ng Unibersidad ay lumiko kami pakanan para maglakad papuntang botika kung saan bibili ng gamot si Rebreb. Hindi naman din kami nagtagal bumili doon dahil walang tao.

Dahil mauunang madaanan ang bahay nila Rebreb kapag manggagaling ka sa bayan ay mag-isa na lamang akong naglalakad ngayon pauwi ng bahay.

Nakatingin lamang ako sa kawalan habang taimtim na nagdadasal at nag-iisip kung saan ako lalapit para makahingi ng iskolar sa pag-aaral ko ng kolehiyo. Ang hirap maging mahirap. Malalim akong napabuntong-hininga.

At dahil nga lutang ang aking pag-iisip habang naglalakad mag-isa ay hindi ko namalayan na may paparating na dalawang lasing na matandang lalaki, kahit na ang taas pa ng sikat ng araw.

“Tengene pere, k-kapag sinuwerte ka nga naman.” ani ng isa sa dalawang lalaking lasing na kaharap ko. Moreno ito at payat ang pangangatawan.

“G-gandeng… b-bete…” sagot ng isang matandang malaki ang tiyan, na siyang nagpaawang ng aking labi.

Matapos sabihin ang mga salitang iyon ay nagtinginan silang dalawa, sabay ngisi ng makahulugan sa isa’t isa. Nakaramdam naman ako ng konting kaba sa nasaksihan kong itsura nila. Pero may mas ikakakaba pa pala ang nararamdaman ko dahil hindi pamilyar ang mukha nilang dalawa sa akin, mukhang mga dayo lang dito sa barangay.

Naglakad silang dalawa ng mas malapit sa pwesto ko, hindi ko naman alam kung bakit na-estatwa ako sa kinatatayuan. Napalunok ako ng matigas habang pinaglalaruan ang daliri ko.

“Heweg kang matakot, neng,” nakangising saad ng matandang may malaking tiyan. Tumawa ang kasama nito bago nagsalita.

“Oo… nga!” nasinok pa siya pagkasabi no’n. “Pwede ne ’to, pare… kaso ay maliit lang ang susó…”

Nagpatuloy ako sa paglalaro ng mga daliri dahil sobra na akong natatakot sa kanilang dalawa, hindi ko alam kung ano ang pwede nilang gawin sa akin.

“Seme ka samin, neng!”

“Tara… pangako… masisiyahan ka.”

Mas lalong lumakas ang tawanan nila na parang wala na sa katinuan dulot ng pagkakalasing. Akmang hahawakan ako sa braso ng matandang lalaki na may payat na pangangatawan-ay mabilis akong umiwas. Nakita ko naman kung paano siya ngumisi ng parang nauulol na aso.

“Padaain niyo po ako, uuwi na po ako mga manong,” saad ko sabay lingon sa gilid.

“Hende! Sasama ka sa amin!”

“Huwag… ka ng pakipot!”

Napapikit na lamang ako dahil bumuwelo ang matandang lalaki na malaki ang tiyan para hablutin ang braso ko. Ngunit hindi iyon nangyari ng bigla na lamang kaming nakarinig ng isang malakas na mura at tunog na parang may sinapak sa mukha.

“Tangina mo! Ang tanda mo na manyakis ka pa rin!”

Pamilyar ang boses, pero kilalang kilala ko kung sino ang nagmamay-ari no’n kahit na hindi ko pa tuluyang nakikita ang nagsalita. Nagmulat ako ng mata mula sa pagkakapikit at isang pamilyar na imahe ng isang lalaki ang bumungad pagkadilat na pagkadilat ko.

Si Senyorito Lucio.

Madilim ang kanyang mata habang nakakuyom naman ang kanyang kamao. Kitang kita ko ang mga ugat na naglalabasan doon. Marahan din na nagtataas baba ang kanyang dibdib habang nakaawang ang kanyang bibig, hinahabol ang kanyang paghinga.

Ang isa naman sa dalawang lasing na lalaki ay nakabuwal sa daan, siya siguro ang sinapak ni Senyorito Lucio sa pagka

“Siraulo… kang bata ka ha!”

Ang sabi ng matandang payat sabay suntok sa mukha ni Senyorito Lucio, tinamaan naman ang Senyorito sa kaliwang pisngi ngunit hindi naman siya nabuwal katulad ng matandang may malaking tiyan.

Imbes na matakot siya ay binigyan na lang ng isang ngisi ang matanda sabay maangas na tumango, tila hinahamon ang matanda kung gan’on lamang ba kalakas ang kanya niyang gawin.

“Isa ka pa! Tangina mo rin!”

Nasa ere na ang kanyang braso ng bigla ko siyang pigilan dahil nakakaawa din naman ang matandang payat kung susuntukin pa niya. Nagtagumpay naman ako sa pagpigil sa kanya kaya imbes na suntukin ay tinulak na lamang ito sa dibdib na nagpabuwal sa pagkakatayo ng matandang payat.

Nanlaki naman ang mata ko sa ginawa niya. Pero bago pa makatayo ang dalawang matandang lasing ay hinila ko na siya paalis doon. Ngunit hindi pa man kami tuluyang nakakalayo ay bigla niyang hinila ang braso niyang hawak-hawak ko at mabilis akong pinaharap sa kanya.

Matalim at nakakatusok ang kanyang tingin sa akin gamit ang kanyang bilugang mata. Hindi pa rin naalis ang galit at inis doon. Nagulat naman ako ng bigla niya akong hawakan sa magkabilang balikat at pinagpantay ang taas ng mukha naming dalawa.

“S-saan ka hinawakan?! Tangina, saan ka hinawakan, Santi?!” ramdam ko ang pagkairita sa tono ng kanyang boses ngunit mababanaag pa rin ang pag-aalala rito. “Sumagot ka kung ayaw mong mabaliw ako rito! Saan ka hinawakan, Santi?!”

Matigas akong napalunok sa sariling laway dahil sa nakikitang reaksyon mula sa kanya. Tila hindi nabawasan ang kanyang galit at inis sa nangyari, ngunit halata ang pagkakataranta sa kanyang perpektong mukha.

Nagdadalawang isip man ay hinawakan ko siya sa pisngi gamit ang nanginginig kong kamay. Hinaplos ko ang gilid ng kanyang labi gamit ang hinlalaki kong daliri-kung saan may dugo at sugat dahil sa pagkakasapak sa kanya kanina.

“H-hindi po nila ko nahawakan, S-senyorito Lucio,” mahina kong saad, halos pabulong na lang.

Kita ko naman ang pagkalma sa kanyang mukha, na para bang nabunutan siya ng isang tinik sa dibdib. Marahan siyang tumango-tango atsaka pumikit. Gumalaw ang kanyang ulo at hinagod ang kamay ko gamit ang sariling pisngi, tila dinadama ang pagkakahawak ko sa kanyang makinis at maputing mukha.

At doon ako natauhan sa ginawang paghawak sa mukha niya, hindi naisip na hindi ko naman kailangan na hawakan pa siya para lamang mawala ang pag-aalala sa sistema nito.

Napakagat ako sa ibabang labi. “Uh… gamutin po natin ’yung sugat sa labi niyo sa bahay, Senyorito.”

Hindi naman siya sumagot bagkus ay tinitigan niya lamang ako atsaka napabuga sa hangin. Bahagya siyang yumuko at dumukot sa bulsa ng pantalon na suot, hawak niya ngayon ang isang stick ng sigarilyo at isang lighter. Nilagay niya iyon sa kanyang labi bago sinindihan, naninigkit pa ang itsura niya habang inaapuyan iyon.

“Hindi na kailangan, Santi,” sagot niya sabay buga sa gilid ng usok galing sa sigarilyong ngayon ay nakaipit sa pagitan ng kanyang dalawang daliri.

Umiling ako.

“Isipin niyo na lang po na pasasalamat ko ito sa ginawa niyong… pagligtas sa akin.”

Hindi siya kumibo at pinagpatuloy lang ang pag-hitit sa sigarilyo niya. Tumalikod na ako dahil mukhang hindi ko naman siya mapipilit, kaya ko lang naman din gusto na gamutin ang sugat niya sa labi ay inaalala ko na baka makita iyon sa mansyon nila. Malaman pang napaaway siya dahil sa isang bakla at mahirap na gaya ko.

Nagulat naman ako ng maramdaman ko ang pagtabi niya sa gilid ko. Nag-angat ako ng tingin sa kanya kaya nagsalubong ang mata naming dalawa.

“Bilisan mo lang gamutin… kailangan kong bumalik doon sa ginagawaan,” aniya atsaka mabilis akong nilagpasan sa paglalakad.

Hawak ko ngayon ang isang bulak at betadine. Nandito kami sa sala, ngunit siya ay naka-upo sa kawayang sopa habang nakatayo naman ako sa tapat niya. Dahil likas na matangkad siya ay halos kapantay ko lang ang mukha niya.

Nakatingala siya habang nakayuko ako ng bahagya at hawak-hawak ko ang kanyang noo. Iniwasan kong titigan siya sa mukha dahil hindi ako maka-pokus sa paggamot sa kanya, mas gwapo kasi talaga siya sa malapitan.

Nagtagumpay naman ako dahil nalinis at nagamot ko naman ang sugat niya kalaunan.

“Bakit po ba kasi sinuntok niyo pa?” tanong ko habang binabalik sa lalagyanan ’yung betadine at bulak.

“Binastos ka e,” tamad niyang sagot habang nakatitig sa mata ko. Napailing ako.

“Parang hindi ka naman din gano’n sakin. E, ’di dapat din po pala ay suntukin din kayo sa susunod?” may konting uyam kong saad, iniwasan ang paninitig niya.

Lumayo ako sa kanya. Iniiwasaan pa rin na magtama ang mata naming dalawa, lalo na’t tila nakakahiwa sa talim ang tingin niya ngayon dahil sa sinabi ko.

Tatalikod na sana ako upang ibalik ’yung kahon na pinaglalagyan ng gamot nang bigla niyang hatakin ang may kanipisan kong braso. Nagulat naman ako.

Pero ang mas nakakagulat ay-kung ano ang pwesto ko ngayon matapos niya akong hatakin. Nakakandong ako sa kanya, sa mismong hita niya. Ramdam ko ang pagkawala ng dugo sa buo kong katawan dahil sa ayos naming dalawa.

Marahan akong humarap sa kanya. Nahihiya na baka magalit siya at napakandong ako. Pero hindi naman ito sadya, tutal siya din naman ang humila sa akin kaya napunta ako sa sitwasyon na ’to.

Nang maharap ko siya ng tuluyan. Ang pilyo niyang mukha ang sumalubong sa akin. Nakangisi at pinipigilan ang tuwa na gustong kumawala sa kanya.

Ngunit hindi naman iyon nagtagal at bigla niya ako binigyan ng isang malalim at seryosong tingin habang nakakandong pa rin ako sa kanya.

Naramdaman ko pa ang marahan niyang paghaplos niya sa likuran ko. Nilaro pa niya ang paghimas doon dahil parang gumuguhit siya ng isang bilog.

Nagsalita siya.

“Iba ako, Santi. May halong kamanyakan ’yung sa kanila, ako ay purong harot lang. At tandaan mo,” binitin niya ang sasabihin, tinitigan ako ng mata sa mata. Nakakapanghina iyon at nakakalusaw. “Ako lang… ang pwedeng humarot at humawak sayo. Ako lang. Hmm…”

10

“Uh… okay na po, Senyorito,” pilit kong pinatatag ang boses ko bago mabilis na umalis sa kandungan niya.

Kumakalabog pa rin ang dibdib ko habang nanginginig ang dalawang tuhod sa kabang nararamdaman dahil sa sinambit niya. Hindi lamang iyon ang nagpabilis ng kaba sa puso ko, pati na rin kung paano niya binigkas ang bawat salitang binitawan niya.

“Salamat,” sabi niya matapos kong makalayo ng tuluyan. Hindi ako sumagot bagkus ay marahan lamang akong tumango.

Mabilis ko siyang sinulyapan at nakita ko ang paninitig niya sa akin, ngunit imbes na makipagtitigan sa kanya nang mata sa mata ay mabilis akong umiwas ng tingin. Umakto akong may gagawin kahit na hindi ko alam kung anong bagay ang uunahin kong damputin.

Napansin niya sigurong hindi na ako kumibo kaya muli siyang nagsalita. Mas malakas at mas malalim kaysa sa boses niya kanina.

“Aalis na ’ko. Salamat ulit.”

Sa pangalawang pagkakataon ay hindi ako nagsalita, binigyan ko lamang siya ng isang tipid na tango. Muli ko siyang sinulyapan at ganon pa rin ang paninitig niya sa akin. Pinagsawalang bahala ko na lamang iyon atsaka tumalikod sa kanya.

Dinampot ko ’yung kahon na pinaglagyan ng betadine at bulak. Tahimik akong naglakad papuntang kusina. May tukador kasi kami dito na may saraduhan kaya doon nilalagay ni Lola Tes ang ilang bagay na gamit dito sa amin. Sabi niya ay para daw hindi makalat tignan ang bahay.

Matapos kong ibalik ang kahon na may mga pang gamot ay marahan kong sinarado ang pintuan ng tukador. Pagtalikod ko upang bumalik sa sala ay gano’n na lamang ang gulat ko ng makita si Senyorito Lucio sa harapan ko. Sa harapan ko mismo.

“Senyo-”

“Sabi ko aalis na ’ko. Bakit hindi ka sumasagot?”

Hindi na natuloy ang dapat kong sasabihin ng bigla siyang magtanong. Mariing nakatitig ang malalim at bilugan niyang mata sa akin. Pinagpatuloy niya ang paglalakad papalapit sa gawi ko kaya wala sa sarili akong napaatras. Kahit na wala naman na talaga akong aatrasan dahil nakasagad na ang likuran ko sa lababo.

Nang tuluyan siyang makalapit ay tinukod niya ang kanyang dalawang palad sa magkabilang gilid ko, kaya nakakulong na ako ngayon sa mga bisig niya.

Yumuko siya ng bahagya para mas magpantay ang mukha naming dalawa. Seryoso siya ngunit hindi naman mukhang galit. Napalunok ako sa sariling laway sa nakikitang kaseryosohan mula sa kanya.

“Uhh… n-nandiyan pa po pala kayo, S-senyorito,” bigkas ko atsaka nag-iwas ng tingin. Hindi kayang pantayan ang paninitig niya sa akin.

“Hmmm. Hinihintay ko kasing sumagot ka. Ayoko sa lahat ’yung hindi kumikibo kapag kinakausap ko,” paliwanag niya habang seryoso pa rin ang itsura.

“A-ano po ba ang dapat kong isagot sa p-pagpapaalam niyong u-umalis?”

Nagkibit balikat siya. “Ewan, basta gusto ko ’yung sasagot ka kapag kinakausap ko.”

Malalim muna akong napabuntong hininga bago siya tinignan sa mata at nagsalita. “Sige po, sa susunod.”

Hindi siya kumibo bagkus ay tinitigan niya din ako sa mata. Umumbok ang kanyang pisngi atsaka marahang tumango tango. Muli naman akong napaiwas ng tingin dahil iba talaga siya tumitig.

Nakakalusaw at nakakapanghina.

Ngunit dahil siya si Senyorito Lucio, pinigil niya ang paglinga ko gamit ang kaliwang kamay. Hinawakan niya ang ilalim ng baba ko upang muling bumalik ang tingin ko sa kanya. Nagtama ang aming mga mata.

“Aalis na ’ko. Hmmm.”

“S-sige po, i-ingat.”

Matapos kong sabihin iyon ay inalis ko ang kamay niyang nakahawak sa baba ko. Tinulak ko din siya ng mahina sa dibdib para tuluyan na siyang umalis. Buti na lamang din ay walang tao dito sa bahay bukod sa aming dalawa, dahil kung meron ay baka kung ano pa ang isipin sa amin kapag nakita kaming ganito kalapit.

Umiling iling siya habang pinipigilan ang pag-ngisi sa ginawa kong pagtulak sa kanya.

“Tsk!” sambit niya bago muling nagsalita, bumalik na ang pilyo sa boses niya. “Salamat ulit sa paggamot, Santi.”

“Walang anuman po, Senyorito.”

Pinagmasdan niya pa muna ng mabuti ang mukha ko bago tahimik na tumalikod at naglakad palabas ng bahay habang sumisipol sipol. Nang tuluyan na siyang makalabas ay malakas akong napabuga ng hininga sa hangin. Kanina ko pa pala pinipigilan ang paghinga. Napailing-iling na lamang ako sa naging kaganapan ko.

Mabilis na lumipas ang oras at araw. Nakatapat ako sa salamin dito sa kwarto, nag-aayos dahil ngayon ang kaarawan ni Marco. Suot-suot ko ang isa sa mga bestidang binigay sa akin ni Lola Tes.

Kulay puti ito na may malalim na hiwa sa dibdib pero desente pa rin naman kung pagmamasdan. Ang manggas nito ay abot hanggang itaas ng aking siko habang ang haba ng kabuuan ng bestida ay hanggang sa itaas ng tuhod ko. May nakatahi pang mga bulaklak sa bawat dulo ng tela kaya simple lang talaga siya kung tutuusin.

Naglagay ako ng ipit sa magpakabilang gilid ng buhok para maging maaliwalas ang itsura ko. Nagpahid din ako ng lip gloss sa labi at nagpisik ng pabango sa katawan. Napangiti ako sa itsura ko, nadagdagan ang haba ang buhok ko. Pero konti lang naman.

Paglabas ko ng kwarto ay nakatayo si lola sa bandang kusina. Mukhang naghahain ng hapunan, habang si Benjie ay napalingon sa akin. May pilyong ngiti sa kanyang labi.

“Wow! Ang ganda mo, Kuya Santi.” namamangha niyang sabi habang nakangiti pa rin. Ginantihan ko naman siya ng isang tipid na ngiti.

“Talaga?!”

Tumango tango siya. Napalingon naman ko sa gilid ng mapansin ang paglapit ni lola sa akin. May ngiti din sa kanyang labi. Nang tuluyan siyang makalapit ay hinawakan niya ako sa magkabilang balikat atsaka nagsalita.

“Ang ganda-ganda mo, apo. Parang ikaw talaga ang nanay mo no’ng kabataan niya.”

“Salamat po, ’la. Alis na po ako.”

Tinanguan niya lamang ako kaya lumabas na ako ng bahay. Si Kenjie ay kanina pa nakila Marco, sila lola ay hindi na daw pupunta dahil pinaldahan naman na sila ni Mang Boy ng ulam. Atsaka ang sabi niya ay pang kabataan lang naman ’yung handaan kaya hindi na siya kailangang magpunta pa.

Totoo din naman ang sinabi ni lola. Halos kabataan lang ang bisita ni Marco nang dumating kami nina Rebreb at Mader Pao. Mukhang inuman lang ang ganap ngayong gabi, pero may hapunan din naman kaya kahit papaano ay mukhang mag-eenjoy din naman ako. Hindi ko talaga kasi gusto ang pag-inom.

“Happy Birthday, Marco!”

Pagbati ni Rebreb sabay abot ng regalo niyang binili namin no’ng nakaraan sa palengke. Inabot ko na din ang regalo ko atsaka bumati. Gano’n din naman si Mader Pao sa gilid ko.

“Naku, nag-abala pa kayo. Salamat. Pasok kayo, nandoon sa loob ’yung handa,” aniyang nakangiti.

Ginawa naman namin ang sinabi niya. Habang kumukuha kami ng pagkain nina Mader Pao ay bigla siyang bumulong sa tenga ko.

“Masyado kang nagpaganda ngayong gabi, hindi tuloy maalis no’ng may birthday ang mata niya sayo,” sambit niya na may kasamang pagtawa, nagsalubong naman mga kilay ko dahil sa tinuran niya.

“Huh?”

“Tumingin ka sa gilid mo, dali!”

Lumingon ako sa gilid ko at nakita ang tinutukoy ni Mader Pao. Si Marco, mariing nakatitig sa akin kaya nang tignan ko siya sa mukha ay nagsalubong ang mata namin.

Tipid muna siyang ngumiti bago nag-iwas ng tingin sabay kamot sa likuran ng kanyang ulo. Mukhang nahiya siya ng mahuli ko siyang nakatitig sa akin. Pero bakit nga ba nakatitig siya sa akin?

Pinagkibit balikat ko na lang.

Naupo kami sa labas kung nasaan ’yung mga mono blocks at kahoy na lamesa na may saping tela. Habang kumakain kami ay nilibot ko ang paningin sa paligid, hindi ko pa kasi nakikita ang kapatid kong si Ken. Baka mamaya ay tumatagay na pala siya ng hindi ko alam. Bilin pa naman ni lola na huwag na huwag kong hahayaang uminom si Ken.

Ngunit hindi ko siya nakita. Tanging ang mga ibang bisita lang ni Marco ang natanawan ko. Maraming lalaki pero may mga babae din naman na narinig kong kaklase daw ni Marco ngayong kolehiyo. May mga nag-iinuman na din pero wala naman doon si Ken.

“Balik lang kayo sa loob kapag gusto niyo pang kumain. Puntahan ko lang ’yung ibang bisita.” si Marco, tumango tango naman kaming tatlo kaya naglakad siya papalayo sa amin.

“Ang gwapo din talaga niyang si Marco, ’no?” wala sa sariling saad ni Rebreb sabay subo ng kutsara sa bibig niya.

“Totoo! Swerte ni Santi at mukhang siya ang bet,” tumawa si Mader Pao matapos sabihin iyon, napailing naman ako sabay tusok sa shanghai na nasa plato ko.

“Bakit ako? Hindi ako gusto niyan Mader Pao. Atsaka baka magalit si Rebreb at matagal na niya ’yang tipo,” giit ko at ngumiti kay Rebreb, inikutan naman ako nito ng mata kaya napatawa ako.

“Gaga!”

Iyon lang ang nasabi niya kaya mas lalo akong natawa. Si Mader Pao naman ay halatang nagulat sa sinabi ko. Totoo naman kasi, matagal ng may gusto ’yang si Rebreb kay Marco ayaw niya lang talagang aminin.

Nang matapos kami sa pagkain ay napagpasyahan ni Mader Pao na makisali kami sa mga nag-iinuman. Pero sinabi ko sa kanyang hindi ako iinom dahil hindi naman talaga ’ko umiinom. Si Rebreb ay tumitikim tikim na nang alak kaya pumayag siya sa gusto ni Mader Pao.

Marami ang taong nandoon, halos lahat ng bisita ni Marco ay nandito at nag-iinuman na. Bago pa man kami makalapit sa mismong lamesa ay may isang lalaking nagsalita.

“Nandito pala ’yung asawa ko e,” sambit ni Kuya Tonyo kaya nagtawanan ang mga tao.

“Baliw ka talaga, Tonyo!” si Mader Pao atsaka umirap, pero halatang kinikilig dahil nakangiti siya habang sinasabi ang mga iyon.

Napailing na lamang kami ni Rebreb sa tabi niya.

“Dito kayo sa tabi ko, asawa,” muling sambit ni Kuya Tonyo at tinuro ang pwesto sa kanyang tabi na may bakanteng upuan.

At dahil may pagkamaharot si Mader Pao ay hinila niya kami doon ni Rebreb. Wala naman kaming nagawa kung hindi ang magpatianod sa kanya, kaysa naman wala kaming maupuan, ’di ba?!

Nang makaupo kami ay agad siyang tinagayan ni Kuya Tonyo kaya inabot naman ito ni Mader Pao. Malagkit silang nagtinginan kaya inalis ko ang paningin sa kanila. Nauulaw kasi ako sa itsura ni Mader Pao, halatang kilig na kilig siya.

Sa paglinga ko muli sa paligid at mga taong nandito sa mahabang lamesa ay natawan ko ang kapatid ko sa hindi kalayuan na pwesto. Kadadating niya lang ba? Bakit hindi ko naman siya nakita dito kanina? Nagsalubong ang kilay ko, nagtataka.

Ngunit hindi lamang siya ang nakita ko doon, pati na rin ang lalaking ilang araw ko ng hindi nakikita matapos kong gamutin ang sugat sa kanyang labi.

Si Senyorito Lucio.

Bakit nandito siya? Imbitado din pala siya. Pero buti ay nagpunta siya? Sanay ba siya sa ganitong klase ng handaan?

Nagkatinginan kami, at iyon na naman ang paninitig niya sa akin na nakakalusaw. Ngunit sa pagkakataong ito ay may nakita akong pagkamangha sa kanyang mata habang nakatingin sa akin. Medyo umawang pa ang kanyang labi habang hindi inaalis ang tingin sa akin.

Napalunok ako ng maramdaman ang pag-init ng magkabilang pisngi. Tila biglang uminit ang gabi kahit na mahangin naman ang paligid. Naputol lang ang pagtitigan namin ng bigla akong kalabitin ni Rebreb at bumulong. Hindi ko naman naintindihan iyon dahil ramdam ko pa rin ang paninitig ni Senyorito Lucio sa akin.

“Oh tagay! Para sa may birthday!” sigaw ni Kuya Tonyo habang nakataas ang isang kamay sa ere at may hawak-hawak na baso ng alak.

“Tagay!” sabay-sabay na sabi ng mga bisita at pinagbunggo nila ang mga kanya kanyang baso.

Makalipas ang ilang oras ay halos naubos na ang mga bisita ni Marco. Kami-kami na lang mga kapitbahay niya ang nandito. Kaya ang ginawa nila ay binawasan ng ilang lamesa at upuan para hindi layo-layo ang kwentuhan.

Pinalipat din ’yung iba sa gawi namin para nga mas makapagkwentuhan ng maayos. Kamalas malasan pang ang tumapat sa amin ay sina Senyorito Lucio, katabi pa rin ang kapatid ko.

Muling nagtama ang mata naming dalawa ni Senyroito Lucio. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ako agad ng nag-iwas ng tingin. Pinantayan ko ang talim at lalim ng tingin na pinupukol niya sa akin.

Pero hindi ko talaga kayang tagalan kaya sa huli ay muli akong nag-iwas ng tingin. Ngunit imbes na sa gilid ako bumaling ay kay Ken ako tumingin. Binigyan ko siya ng isang nagtatanong na tingin.

“Umiinom ka?”

Hindi siya sumagot ng ilang segundo, pero kalaunan ay bumuntong hininga muna siya atsaka nagsalita.

“Konti lang, kuya. Birthday naman ni Kuya Marco kaya baka pwede hayaan mo na muna ko,” kita sa mata niya ang pagsusumamo kaya malalim akong napahugot ng hininga.

“Basta labas ako kapag napagalitan ka ni lola, ha!” tumango tango siya at sasagot na sana ng biglang sumingit ang katabi niya.

“Sagot ko siya, akong bahala.” si Senyorito Lucio, nabaling ang atensyon ko sa kanya.

Nagtaas ako ng kilay, pero wala naman akong sinabi at hinayaan na lang siya. Napaangat naman ang tingin ko ng biglang may kumalabit sa akin. Paglingon ko ay ang mukha ni Marco ang bumungad.

“Ayos ka lang ba diyan? Ano gusto mong pulutan?” tanong niya, tumango tango naman ako at nagtaas ng hinlalaking daliri para sabihing ayos lang ako.

“Iba ka talaga, tol! Hindi naman umiinom ’yan si Santi pero siya ang tinatanong mo,” malakas na sabi ni Kuya Tonyo kaya napunta sa amin ang atensyon ng mga tao.

“Tama tama! Bakit hindi si bayaw mo ang tanungin, tutal tumatagay ’yan?” paggatong naman ni Joshua.

Napailing-iling si Marco habang natatawa sa kanila. “Mga gago!” binalingan niya si Ken kaya napunta din doon ang atensyon ko. “May gusto ka bang pulutan, bayaw?”

Naghiyawan naman ang mga lalaki dahil sa biglang sinabi ni Marco. Napapangiwi akong nagtakip ng tenga dahil mas malakas pa silang tumili kaysa sa mga babae.

“Tangina, binata na ’yung manok ko!”

“Kaya sayo ko, boss amo!”

“Gulo niyo! Nakakahiya sa anak ni Mayor Don!”

Napalingon naman ako kay Rebreb ng sikuhin niya ’ko sa tagiliran. Naniningkit ang mata niya at dahil kilala ko siya ay alam ko kung ano gusto niyang ipahiwatig. Sinagot ko lang naman siya ng isang irap kaya mas lalo naningkit ang mata niya.

“Mag-uusap tayo mamaya,” saad niya pa na siyang inilingan ko, lasing na yata ang luka.

Umalis sa likuran ko si Marco at mukhang kumuha ng pulutan sa loob. Muli kong sinulyapan si Ken dahil nakita ko kanina na hindi siya masayang inaasar kaming dalawa ni Marco.

Ngunit imbes na kay Ken mapako ang mata ko ay sa madilim na mukha ni Senyorito Lucio napunta. Nakatingin siya sa basong hawak-hawak, mariin at madilim ang pagtitig niya roon. Habang ang kanyang panga ay matigas na umiigting.

Kung nakakahiwa lang ang tingin ay siguradong kanina pa nahati sa dalawa ang basong hawak niya. Hindi ko alam kung bakit biglang naging ganyan ang itsura niya. Kanina naman ay seryoso lang siya pero ayos ang itsura, ngunit ngayon ay halatang galit.

Hindi ko na lamang siya inintindi at uminom sa baso ko, juiice lang naman ang akin kaya walang problema.

Nagpatuloy ang paglalim ng gabi at nagpatuloy din ang panaka-nakang pang-aasar nila sa amin ni Marco, na siyang iniilingan lang namin.

Kada aasarin nila kami ni Marco ay napapatingin ako kay Senyorito Lucio at kada mangyayarin ’yon ay dumidilim ang itsura niya at umiigting ang panga. Hindi ko naman gustong mag-isip ng kung ano, pero hindi kaya ayaw niyang inaasar kaming dalawa ni Marco dahil nag-

Hindi, Santi! Tigilan mo ang pag-iilusyon at sasaktan ka lang niyan sa huli. Malalim akong napabuntong hininga.

Dahil nga malalim na ang gabi ay may kanya-kanya na silang mundo. Sina Rebreb sa tabi ko ay kanina pa sila nagtatawanang dalawa ni Mader Pao, nakikitawa lang naman ako kapag may nakakatawang bagay sa sinabi nila. Habang ang ibang bisita ay kung hindi bulol na nagkukwento ay nag-uusap naman ng masinsinan.

“Santi, uwi na tayo,” bigkas ni Senyorito Lucio sabay hawak sa kamay kong nakapatong sa lamesa.

Kunot noo ko siya binalingan. “Huh?!”

“Uwi na natin ’tong si Ken, palasing na ang itsura nito,” nginuso niya ang kapatid ko, napalunok naman ako sa nakitang itsura nito.

Nalalaglag ang ulo niya dahil pinipigilan ang antok. Mukhang lasing na nga ang kapatid ko. Agad akong tumayo na siyang kinalingon sa akin nila Rebreb.

“Uwi… ka na?”

“Oo, lasing na si Ken e.” tinuro ko si Ken sa harapan namin, marahan naman silang napatango.

“Ay… lasing na nga…. sige, ingat kayo. Kaya mo ba?”

“Sasamahan ko. Tara na, Santi!”

Sabay kaming napalingon ni Rebreb sa nagsalita. At doon ay nakita namin ang maputing balat ni Senyorito Lucio na parang ilaw sa dilim. Nakaalalay sa kapatid kong papikit pikit ang mata dahil sa kalasingan.

Upang hindi na siya mas mahirapan pa sa pag-alalay sa kapatid ko ay mabilis akong nagpaalam kina Rebreb pati na rin kay Marco. At muli pa nila kaming tinukso sa huling pagkakataon.

Nang lapitan ko si Senyorito Lucio ay halos magdikit na ang dalawang kilay niya sa pagkakasalubong. Umirap pa siya sa panlalaking paraan bago ako hinila palabas ng bakuran nina Marco.

Tahimik naming binabagtas ang daan pauwi habang dinadama ko ang malamig na simoy ng hangin. Gusto ko sanang i-deretso ang kilay niya dahil hanggang ngayon ay salubong pa rin. Pero syempre hindi ko ginawa.

Hindi naman nagtagal at narating namin ang bahay, nang hindi kami nag-uusap pero minsan ay nagkakatinginan. Wala akong nagawa ng hanggang sa kwarto ay inalalayan niya si Ken. Dahan-dahan niyang hiniga itong hiniga sa kama.

Bilang pasasalamat at bilang may respetong tao, hinatid ko siya hanggang sa labas ng pintuan namin. Nang nasa labas na kami, sa tapat mismo ng pintuan ay bigla siyang huminto. Tumingin siya sa akin at gano’n pa rin ang itsura ng mukha niya, kunoot noo at may talim ang tingin.

Ewan kung bakit bigla ko na lamang hinawakan ang mukha niya at hinagod ang kilay niya para muling magpantay. Hindi naman ako nahirapan dahil mabilis iyong nawala sa pagkakakunot. Medyo nabawasan ang dilim ng tingin niya at napaawang ang bibig.

“Ayan, kanina pa kasi magkasalubong ang kilay mo,” ani ko at tipid na ngumiti, naging mapungay naman ang mata niya dahil sa sinambit ko.

Napapikit siya at bumuntong hininga.

“Alam mo kung bakit?” panimula niya, umiling naman ako. “Dahil hindi ako natutuwa sa pang-aasar nila sa inyo ni Marco.”

Hindi ako kumibo bagkus ay hinintay ang sunod niyang sasabihin. Ngunit imbes na muling magsalita ay hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko atsaka hinaplos gamit ang kanyang hinlalaki.

Dinama ko iyon.

“Naaalala mo ba ’yung sinabi ko sayong gusto ko ako lang ang hahawak at haharot sayo?” aniya habang patuloy ang paghaplos sa pisngi ko. Tumango ako. “Seryoso ako do’n. Gusto ko ako lang. Sakin lang. Ako lang ang haharot sayo… at sakin ka lang haharutin. Sa akin lang, Santi. Hmm.”

Napapikit ako dahil sa lambing ng kanyang tono. Tila hinehele ako habang sinasabi niya ang mga salitang iyon. Nang magmulat ako ay wala sa huwisyo akong tumango tango at napakagat sa ibabang labi.

Nakita ko naman ang pagtitig niya doon. At nagulat pa ako ng bigla niya iyong haplusin gamit pa rin ang kanyang hinlalaki. Ngunit ang mas nakakagulat ay ng bigla niyang ilapit ang kanyang mukha kaya agad akong napaatras.

Nanlalaki ang mata ko siyang tinignan habang nakaawang ang labi. Pero imbes na lumayo siya ay mabilis niyang sinakop ang pagitan naming dalawa. Ngayon ay magkadikit na ang aming mga labi.

Dinig na dinig ko ang pagtambol ng dibdib ko dahil sa kabang nararamdaman. Lumipas ang ilang segundo na magkadikit lamang ang aming labi at hindi ako gumagalaw. Na mukhang napansin niya kaya siya na ang unang gumalaw at kinagat ang labi ko.

Mas lalong umawang ang buka ng bibig ko dahil sa ginawa niya. At kinuha niya iyong pagkakataon para kunin ang dila ko, na siyang sinipsip niya pagkatapos. Hindi ko alam kung paano pero nakuha niya pang magsalita habang patuloy ang paglalaro niya sa bibig ko.

“S-sundan mo ’yung ritmo ng halik ko, Santi,” utos niya at parang wala sa sarili akong sumunod.

Kung ano ang ginagawa niya ay siya rin ginagawa ko. Sinusundan ko ang ritmo ng paghalik niya kahit hindi naman talaga ako marunong humalik. Ito ang kauna-unahang nakipaghalikan ako sa lalaki. Sa anak pa ng kasalukuyang Mayor ng bayan namin.

May sarili yatang pag-iisip ang mga labi namin dahil nagkaintindihan sila sa mga dapat gagawin. Nahinto lamang ang paghahalikan namin ng kapusin kami ng hangin sa bibig.

Hinihingal kaming nagkakatitigan. Hawak-hawak pa rin niya ang mukha ko at pinagdikit niya ang noo naming dalawa. Nagkatitigan kami, mata sa mata.

Ganito pala ang pakiramdam ng pakikipaghalikan. Masaya at… masarap. Tila dinadala ka sa ibang mundo.

“S-senyorito, b-bakit hinal-”

Hindi na natuloy ang sasabihin ko ng bigla niyang putulin. “Shh… what is my surname, Santi?”

“P-po?!” naguguluhan kong tanong.

“Apelyido ko, Santi.” pag-ulit niya, kunot noo ko naman siyang tinitigan. “Ano ang apelyido ko?”

Hindi ko maintindihan kung ano ang gusto niyang palabasin. Anong kinalaman ng apelyido niya sa naging paghahalikan namin?

Ngunit ng mapansin kong seryoso siya ay malalim akong bumuntong hininga atsaka sumagot.

“Estreñella.”

Ngumisi siya sa naging sagot ko, ngunit ang ngising iyon ay may halong pagyayabang.

“Hmm… tama. At ang isang Estreñella na tulad ko… ay tinuruan kung paano mangbakod ng pag-aari niya.”

11

happy pride month, pretties! remember that you are seen, loved, and appreciated by many. mabuhay ang mga bakla! mabuhay ang trans romance! ✿●♡๑⁠˙⁠❥⁠˙⁠๑


“Pasok na sa loob,” aniya matapos ang ilang minutong katahimikan sa pagitan naming dalawa. Naglalaro ang kanyang dila sa loob ng kanyang pisngi dahil bumubukol iyon, tila pinipigilan ang ngising gustong pakawalan ng kanyang labi.

Wala naman akong nagawa kung hindi ang tumango at sumunod sa sinabi niya. Tinalikuran ko siya para maglakad papasok sa munti naming bahay. Pinilit kong ideretso ang ulo kahit na gustong gusto kong lumingon sa kanya sa huling pagkakataon.

Nang tuluyan akong makapasok ng bahay at maisara ang pintuan ay napasandal ako dito. Ramdam ko ang pagbanat ng aking labi sa pagkakangiti. Hindi mawala ang imahe sa aking isipan ang naging paghahalikan naming dalawa.

Hinawakan ko ang ibabang labi at kinurot ito. Totoo! Totoong naghalikan kaming dalawa ni Senyorito Lucio. Hindi ako nananaginip. Hindi ako nag-iilusyon lamang. Totoong may nangyaring halikan sa pagitan naming dalawa!

Naiiling akong naglakad papasok ng kwarto naming dalawa ni Ken habang hindi maalis ang ngiti sa aking labi. Paghiga ko sa kama ay ang malambot niyang labi pa rin ang naglalaro sa aking isipan. Hanggang sa nakatulugan ko na nga ang pag-iisip sa nangyari sa amin.

“Ikaw, Santi! Ikaw ang matanda pero imbes na sawayin mo ang kapatid mo sa pag-inom ay hinayaan mong maglasing. Hindi talaga kayo pwedeng pakawalan pa at wala kayong kontrol sa mga sarili ninyo!” mahabang pangaral ni Lola Tes habang kumakain kami nang umagahan sa hapag.

Hirap na hirap naman akong isubo ang kanin sa kutsara dahil kanina pa kami sinesermonan ni Lola Tes. Nalaman niyang hinayaan kong uminom si Ken dahil napagtanto niyang uminom ito ng ilang beses niyang gisingin ay hindi magising-gising sa himbing ng kanyang tulog.

Hindi ako kumibo bagkus ay tinanggap ang lahat ng mga sinasabing sermon ni Lola Tes. Naubos ko pa rin naman ang kinakaing agahan kahit ang hirap-hirap lumunok dahil sa kay aga niyang pagalit.

“Sa susunod na uminom ka pa, Ken. Ibibili kita ng isang bote ng gin at uubusin mo ’yon ng walang halong kahit ano, puro lang!” singhal ni lola, napahilot pa siya sa sintido dulot ng pagkakunsumi saming dalawa ni Ken.

Napalunok ako sa nakitang itsura ni Lola Tes habang si Ken ay patuloy lang sa pagkain, tila hindi alintana ang pagalit sa kanya ni lola, si Benje naman ay tahimik na ngumunguya sa tabi niya.

Nagpatuloy kami sa pagkain ng tahimik dahil bukod sa ayaw nga ni lola na maingay kapag kumakain sa hapag ay mainit din ang ulo nito sa ginawang pag-inom ni Ken at sa pagpayag ko.

Pero salamat na din at natapos naman kami ng matiwasay. Buong umaga ay inabala ko na lamang ang sarili sa paglilinis ng sala at kwarto. Habang ang dalawa kong kapatid ay tahimik na nanunuod sa sala dahil hindi sila pwedeng lumabas ngayong araw. Maging ako man ay hindi pinalalabas ni Lola Tes dahil ika nga niya ay sumusobra kami sa pag-gala hangga’t pinapayagan.

Nang matapos ako sa paglinis ng umaga at makakain kami ng tanghalian ay dumiretso ako sa likod bahay para aralin ulit kung paano mabuo ng mabuti ang ginagawa kong sabon.

Habang abala ako sa paggawa ng sabon ay bigla na lamang sumulpot si Rebreb sa tabi ko. Nagsalubong naman ang kilay ko sa gulat ng makita siya.

Nagtaas siya ng kilay matapos mapansin ang pagkakagulat ko sa kanya.

“Bakit nandito ka?” panimula kong tanong.

“Wala naman, nainip lang ako sa bahay kaya napagpasyahan kong puntahan ka. Masama na bang puntahan ka ngayon?” sagot niya habang nakataas pa rin ang isang kilay.

Umiling-iling naman ako.

Tinitigan niya ang ginagawa ko ng ilang segundo bago malalim na napabuntong hininga. Kunot noo ko siyang binalingan matapos marinig iyon. Pinagmasdan ko pa siya ng mabuti bago napagpasyahang magsalita.

“Ano ang problema mo, Rebecca Castillo?”

Muli siyang napabuga ng hangin matapos kong banggitin ang buong pangalan niya. Halata kasing may gusto siyang sabihin pero hindi lang niya alam kung paano sisimulan.

“K-kagabi kasi… n-nalasing ako,” panimula niya matapos ang ilang segundong katahimikan. “H-hindi ko alam kung t-totoo ba ’yung sinabi ni Mader Pao sa akin kaninang umaga na… s-sinabihan ko daw si M-marco na g-gusto ko siya.”

Nag-iwas siya ng tingin matapos sa sabihin ang mga iyon. Pinigilan ko naman ang sarili na huwag tumawa ngunit may kumawala pa rin na konting ngisi sa akin. Na siyang nagpabalikwas ng tingin ni Rebreb papunta sa akin.

Ang simangot niyang mukha ang sumalubong sa akin, tila hindi natutuwa sa naging reaksyon ko. Napalunok ako ng laway matapos makita ang reaksyon niya atsaka mahinang tumikhim.

“Uh… baka naman niloloko ka lang ni Mader Pao, ’di ba nga sabi mo ay hindi mo naman gusto si Marco,” ani ko at ngumiti ng may kahulugan, siya naman ngayon ang napalunok ng laway.

“K-kaya nga! Ewan ko ba doon kay Mader Pao. E, ikaw kumusta ’yung paghatid sa inyo ni Senyorito Lucio?” bigla niyang saad, naramdaman ko naman ang pag-init ng magkabilaang pisngi dahil sa narinig na tanong. “Hindi ba siya nahirapan na alalayan si Ken?”

Nag-iwas ako ng tingin at kunwaring inabala ang sarili sa paghalo ng ginagawang sabon. Ramdam ko kasi ang pamumula ng aking pisngi, mapapansin pa rin kasi iyon sa mukha ko kahit na morena ang kutis ko. Pinalipas ko ang ilang segundo bago sinagot ang tanong niya.

“H-hindi naman. M-maayos naman niyang naalalayan si Ken papasok ng bahay.”

Muling pumasok sa alaala ko ang naging paghahalikan namin ni Senyorito Lucio. Hanggang ngayon ay ramdam na ramdam ko pa rin ang malambot niyang labi na sumakop sa akin at ang kanyang matamis na dilang pilit nagsusumiksik sa loob ng bibig ko.

Dahil sa alaala ay ramdam ko na ang pag-init ng buong mukha ko kaya mas lalo kong inabala ang sarili sa ginagawa upang hindi magtaka si Rebreb kung bakit hindi ko na siya muling tinignan pa.

Doon naman na natapos ang naging usapan namin ni Rebreb dahil nagpaalam na siyang uuwi na. Hindi naman daw pala niya ako pwedeng ayain at bawal nga kaming magkakapatid na lumabas ngayon. Kaya napagpasyahan na niyang umuwi at bukas na lamang kami tumambay malapit sa ilog.

Kinabukasan, maaga kaming naggayak ng panindang meryenda ni Lola Tes. Hindi kami nakapagtinda kahapon ng almusal dahil nga halos tanghali na ako nagising sa puyat.

Kasalukuyan kami ngayong nasa kusina habang binabantayan ni Lola Tes ang nakasalang na palitaw na siyang ititinda namin. Ako naman ay naka-upo sa tapat ng lamesa dahil binabalot ko naman ang mga luto na nang asukal at niyog.

Huling paninda na ang nakasalang kaya kapag natapos iyon ay gagayak na ’ko para naman presentable ang itsura ko kapag lumabas kami ng bahay ni lola.

O baka naman may pinaghahandaan ka lang, Santi?

Napapikit ako ng bigla ko iyong marinig sa aking isipan. Mabilis akong napailing-iling para mawala ang isiping iyon. Ngunit gano’n na lamang ang gulat ko ng bigla akong tawagin ni Lola Tes.

“Bakit napapailing-iling ka diyaan, Santi?!” ang naguguluhan niyang saad, na mabilis kong inilingan. Napabuntong hininga siya matapos kong umiling. “Oh siya, maluluto na itong huling nakasalang kaya kapag ayos na ay hanguin mo para makagayak ka na. Mauuna na ’kong magpalit sayo ng damit.”

“Opo, ’la.”

Matapos kong sumagot ay hindi na siya nagsalita pa at basta na lamang na naglakad papalayo sa pwesto namin. Nang tuluyan siyang mawala sa paningin ko ay malalim akong napabuntong hininga.

Kung ano-ano naman kasi ang pumapasok diyaan sa isip mo, Santi. Tsk!

Nang magawa ko na ang mga paninda ay sinalansan ko ang mga iyon para hindi mahirap kuhanin mamaya kapag may bumili. Nang matapos ay naglakad ako papunta sa kwarto nina Lola Tes.

Inabutan ko siyang nakahiga sa kama at nakapikit. Suot pa rin ang damit kanina habang naggagayak kami. Nagsalubong ang kilay ko. Hindi ba ang sabi niya ay magbibibis na siya? Bakit iyan pa rin ang suot niya? At bakit nakahiga siya?

Kinabahan naman ako kaya agaran ko siyang nilapitan at kinalabit sa braso.

“Lola?” pagtawag ko sa mahina at mababang boses, nagmulat naman siya ng mata kaya kumalma ang mabilis na pagtibok ng puso ko. “Bakit po hindi pa kayo nagpapalit ng damit? Napagod po ba kayo sa pagluluto?”

Marahan siyang tumango.

“Gano’n na nga, apo. Pwede bang ikaw na muna ang magbenta ng mga paninda?”

“Oo naman po, ’la. Wala pong problema, mamahinga na po muna kayo. Tumaas na naman po siguro ang presyon niyo kaya bigla kayong napagod.”

“Baka nga, apo.” ngumiti siya kaya ginantihan ko iyon. “Pero, Santi, sabihan mo pa rin ’yang kapatid mong si Ken na hindi siya pwedeng lumabas ng bahay.”

Tumango tango ako. “Opo. Pero, lola, magpatingin po tayo sa center bukas sa bayan dahil baka biglain tayo niyang high blood mo.”

Hindi naman na siya umapela pa at sumang-ayon na lamang sa gusto ko. Kaya ng makalabas ako ng kwarto nila ni Benjie ay saktong nanunuod ang kapatid kong si Ken sa sala kaya kinausap ko siya.

“Huwag ka daw lalabas sabi ni lola. Atsaka bantayan mo din at biglang napagod sa pagluluto. E, hindi naman gano’n karami ang niluto niya ngayon.”

Nilingon niya ako.

“Oo, kuya,” sagot niya matapos akong balingan ng tingin. Muli naman niyang binalik ang tingin sa pinanunuod matapos sumagot.

“Tigas kasi ng ulo mo.”

Iyon ang huli kong sinabi bago dumiretso sa kwarto naming dalawa para magpalit. Napagpasyahan kong magsuot ng preskong damit dahil medyo mainit ang panahon ngayon.

Isang kulay pula na bestidang bulaklakin ang napili kong suotin. Isa kasi ito sa mga walang manggas na mga bestidang binigay sa akin ni lola, mukhang pambahay lang din naman kaya ito ang napagpasyahan kong suotin. Napansin kong humahaba na talaga ang buhok ko dahil halos sumayad na ang dulo nito sa balikat ko.

Napangiti ako. At dahil sa pagngiti ay naisipan kong kuhanin ’yung lipgloss na binigay sa akin ni Rebreb noong namili kami sa tiangge. Nagpahid ako nito sa labi kaya mas lalo akong napangiti ng makitang nagkabuhay ang labi ko dahil sa nabigay nitong kulay. Matapos ay naglagay pa ako ng supil para mas maging maganda ang itsura ko.

Lumawak ang pagkakangiti ko ng makita ang kabuuan sa salamin. Hindi naman siguro masamang nag-ayos ako ng ganito, e, magtitinda lang naman ako ng meryenda.

Napabuntong hininga ako. Hayaan na nga, ang mga tao naman ay may masasabi’t masasabi sayo kung gusto nilang magbigay ng opinyon tungkol sayo.

Nang matapos ako sa pag-aayos ay lumabas ako ng kwarto at dumiretso sa kusina para kuhanin ang panindang palitaw. Muli ko pang pinagsabihan si Ken na huwag lalabas dahil walang kasama si lola. Si Benjie kasi ay pinayagan ng maglaro sa labas ni lola. Tanging si Ken na lang talaga ang hindi pinapayagang lumabas ng bahay.

Taimtim akong naglalakad sa kalsada habang naghahanap ng mga taong pwedeng alukin ng meryenda. Naisipan kong kina Rebreb unang magpunta dahil maganda mag-bwena mano ang mga tao doon.

“Wow, saan ang punta mo? Ayos na ayos ka, huh!” bungad ni Rebreb sa akin ng marating ko ang bahay nila.

Napangiti naman akong naiiling. Kaibigan ko nga siya. “Wala naman, maglalako lang ng paninda.”

“Ay gano’n?! Pero ayos na ayos? Naka-lipgloss ka pa.” nagtaas siya nang isang kilay, tila hindi naniniwala sa naging sagot ko. Mas lalo naman akong natawa.

“Totoo nga! Naisipan ko lang gamitin ’tong binigay mong lipgloss kaya nag-ayos ako.”

“Iyan ba ’yon? Ang ganda pala.”

Tumango tango ako. “Oo, bumili ka na nitong palitaw para naman maganda ang unang benta ko.”

“Oh sige, alam mo namang isa ’yan sa paborito ko. Pagbilhan mo ako ng apat.”

Natuwa naman ako sa sinabi niya kaya agad ko siyang kinuha sa lalagyan ng apat na palitaw. Matapos kong iabot sa kanya ay kumuha siya ng pambayad at binigay sa akin. Nag-usap pa kami muli ng kaunti bago ako nagpaalam na maglalako sa iba.

Sunod kong pinuntahan ang bilyaran. Kung paano ko siya dinadatnan palagi ay gano’n ko pa rin siyang dinatnan ngayon. Marami ang naglalaro kaya marami din akong nabenta roon. Tamang tama daw ang dating ko dahil hindi pa sila nagemeryenda. Syempre ngumiti na lamang ako kahit na gusto kong sumagot na alam ko naman din talaga kasi ang oras ng meryenda sa bilyaran.

Binati din nila ang itsura ko. Unang una doon sina Joshua at Marco. Na siyang sinagot ko na lamang nang isang tipid na ngiti dahil baka gawin na naman kaming tuksuhan ni Marco dahil sa pagpuri niya sa akin.

Dahil sa mga narinig na papuri ng mga taong napagbentahan ko ay hindi ko maiwasan na makaramdam ng pagkasabik habang binabagtas ko ang daan patungo sa ginagawang center. Kung saan nandoon ang kauna-unahan at nag-iisang lalaking humalik sa akin. Napapikit ako ng maramdaman na naman ang pamilyar na pag-init ng magkabilang pisngi dahil muling naisip ang nangyaring paghahalikan sa pagitan naming dalawa.

Habang naglalakad ako patungo doon ay sinilip ko ang natitirang paninda. Medyo marami-rami pa dahil nga pangatlong lugar palang naman itong pupuntahan ko. Mukhang maiiba naman na ang reaksyon ko sa pagpunta doon dahil kahit papaano ay nakilala ko na ang ugali ni Senyorito Lucio.

Nang makarating ako sa lugar ay kagaya ng una kong pagpunta doon ay si Mang Boy ang sumalubong sa akin. Ngumiti ako sa kanya.

“Baka po gusto niyo bumili ng meryenda, Mang Boy,” saad ko ng makalapit sa pwesto niya.

Marahan siyang tumango matapos ibaon ang dulo ng palang hawak at tapakan iyon gamit ang kaliwang paa.

“Ano ba ’yang paninda mo, Santi?” tanong niya.

“Palitaw ho,” sagot ko naman at pinakita sa kanya ang laman ng bilao, tinanggal ko ang nakatakip na dahon ng saging sa ibabaw.

“Tamang tama. Hindi pa kami nagmemeryenda.”

Pagkaraan niyang sabihin iyon ay tinawag niya pa ang ibang kasamahan para alukin ng paninda ko. Unang una namang lumapit si Mang Dado at masayang nagsabi kung ilan ang bibilhin.

Hindi naman nagtagal ang pagbebenta ko sa kanila at buti na lamang din ay hindi naman naubos ang palitaw kaya may dahilan akong puntahan si Senyorito Lucio upang makita siya. At syempre alukin na din para tuluyan ng maubos itong paninda namin nila lola.

“Salamat po sa inyo.” nakangiti kong saad na ginantihan naman nila, pasimple kong nilibot ang paningin sa paligid para hanapin kung nandito ba ang taong gusto kong masilayan. “Nandiyaan po ba ang amo ninyo?”

“Ah, oo, puntahan mo doon pero paalala ko lang. Medyo mainit ang ulo no’n mula pa kahapon. Hindi nga namin alam kung bakit, hindi naman ’yon gano’n nagsusungit kaya baka may problema,” saad Mang Boy.

Dahan-dahan akong tumango bilang pagsagot at hindi ko na siya hinintay pang magsalita. Basta na lamang akong naglakad papunta doon sa isang kwarto na tila nagsisilbing opisina dito sa ginagawaan nila.

Bago pa ako tuluyang makalapit doon ay lumabas ang bulto ng isang matangkad, maputi, at makisig na lalaking tanging nakakagawang pabilisin ang tibok ng puso ko. Kagaya na lamang sa mga oras na ito.

May hawak-hawak siyang cellphone habang nakatapat iyon sa kanyang kanang tenga, tila may kausap sa kabilang linya. Habang papalapit nang papalapit ang paglakad niya sa pwesto ko ay palakas nang palakas at pabilis nang pabilis din ang tibok ng puso ko. Tila naghuhurumintado sa pagkakakita sa kanya.

Kahit parang may nakabarang malaking bagay sa lalamunan ko ay pinilit kong magsalita ng malapit na siya sa harapan ko.

“Senyor-”

“Mang Boy, malapit na daw po diyaan ’yung dadating pang mga buhangin. Paki-antay.” ang malamig at walang emosyon niyang saad sa matanda.

Muli ko sana siyang tatawagin ng bigla na lamang siyang naglakad papalayo sa pwesto kung saan parang napako ang dalawang paa ko, tila hindi makagalaw sa gulat dahil sa naging asta niya.

Nanikip at sumakit ang dibdib ko. Hindi maproseso ang nangyayari. Ano ’yon? Bakit gano’n siya ngayon? Anong ibig sabihin ng arte niyang ’yan? Bakit hindi niya ako pinansin o sinulyapan man lang?

Imposibleng hindi niya ako napansin dahil sa harapan ko mismo siya dumaan. Sa harapan ko mismo!

Tuluyan ng naghurumentado ang puso ko. Ngunit kung kanina ay dulot ng pagkasabik, ngayon naman ay dulot ng pighati’t sakit.

At sabi ko nga, imposibleng hindi niya ’ko mapansin lalo pa’t pinilit kong mag-ayos ngayong araw. Dahil aminin ko man o sa hindi ay siya ang dahilan kung bakit ako nag-ayos ngayong araw. Na pakiramdam ko ay nasayang lang lahat dahil hindi man lang niya ’ko nagawang pansinin o kahit sulyapan man lang.

Ang isa pang masakit sa ginawa niyang pagbalewala sa akin ngayon ay… balewala lang pala ang naging paghahalikan naming dalawa. At umasa lang pala akong iyon ang magiging dahilan ng mas malalim naming pagkakaunawaan.

Ngunit ako lang pala ang nag-iisip no’n. Ako lang pala ang umaaasa. Ako lang pala ang nangangarap. Baka nga panaginip ko lang talaga ang halik na iyon o hindi kaya’y nag-iilusyon lang pala ko.

Mas lalong sumakit at sumikip ang dibdib ko. Ito ba ’yung sinasabi nilang masakit ang umibig?!

Dahil kung ito nga ’yon… nauunawan ko na sila. Dahil tama sila… masakit ngang talaga.

12

“Nakaubos ka ba ng paninda, apo?” ang tanong ni Lola Tes sa akin matapos kong makapasok ng bahay.

Nasa sala siya habang nanunuod ng TV. Pinanunuod ang teleseryeng inaabangan niya tuwing hapon. Tipid akong ngumiti at tumango sa naging tanong niya. Hindi naman siya sumagot pero nakatingin siya sa akin, sakto naman at nagpatalastas ang pinanunuod niyang programa.

“Opo, ’la.”

Totoo naman ang sinabi ko. Nakaubos pa rin ako ng paninda sa kabila ng lungkot na nadarama ko gawa ng pagbabalewala ni Senyorito Lucio sa akin kanina.

Dumiretso ako sa kusina para ibalik ang bilao na siyang pinaglagyan ng tininda kong palitaw. Matapos iyon ay naglakad ako papuntang kwarto para makapagpahinga. Ngunit nang malapit na ako sa kwarto namin ni Ken ay bigla akong tinawag ni Lola Tes.

“Santi, apo!” ang malakas niyang tawag kaya napahinto ako sa kinatatayuan. Tamad ko siyang binalingan ng tingin ngunit may tipid na ngiti.

“Bakit po, ’la?”

“Binilang ko kanina ’yung ipon ko sa alkansya, mukha namang sasakto hanggang katapusan ng buwan para sa pagpapa-enroll mo sa kolehiyo,” saad niya, nakangiti.

Parang may hinaplos na kung ano sa puso ko habang tinitigan si lola sa mukha. Hindi ko maiwasan na mapalabi.

“Salamat po, lola. Hayaan niyo po hindi po ako mapapagod na maghanap ng pwedeng hingan ng scholarship para mabawasan po ang maging gastos mo,” sabi ko na may tipid pa rin na ngiti. “Pero, lola, bukas po ay maaga tayong magpunta ng bayan. Unahin na po natin ’yang kalusugan niyo.”

Ngumiti siya atsaka marahan na tumango-tango.

At gano’n na nga ang nangyari kinabukasan. Nakasakay kami ngayon ni Lola Tes sa tricycle habang medyo mauga ang andar nito dahil hindi mapatag-patag ang daan dito sa amin. Kahit ilang beses ng pinagagawa ng mga politikong naka-upo at namumuno sa pwesto ay hindi pa rin maayos-ayos ang kalsada.

Ewan ko ba, hindi ko na din talaga alam ang sasabihin sa mga politikong kurakot. Imbes na ibigay ang kaginhawaan sa mga taong nasasakupan nila gamit ang pera ng bayan. Nakukuha nilang gamitin ang pera para sa mga pansarili nilang interes.

May balik naman ’yan, naniniwala ako.

“Magkano po?” tanong ko nang makababa kaming dalawa ni lola. Nakatayo si Lola Tes sa gilid ko habang hinihintay akong makapagbayad.

“Bentsingko, ’neng,” sagot ni manong. Gusto ko pa sanang magkipagtawaran sa kanya dahil ang mahal ng singil niya ay hindi ko na ginawa.

Kawawa naman kasi si lola kung magtatagal kami dito. Atsaka mainam na din na pumasok kami sa loob ng center dahil baka mamaya ay maraming tao. Isa pa naman ’yon sa mga bagay na ayaw ni Lola Tes, ang pumila ng mahaba. Kaya’t hanggang maari ay maaga kami pumupunta sa mga ganitong klaseng lakad para maaga din kaming matapos at hindi abutan ng init.

“Apo, ang sabi ko naman sayo ay ayos na ’ko. Dapat ay hindi na tayo tumuloy. Mamaya ay magbigay lang ang mga ’yan ng reseta ng gamot kahit hindi naman kailangan,” mahabang litanya ni Lola Tes.

Napabuntong hininga naman ako habang patuloy kami sa paglalakad papasok sa loob ng center.

“Lola, ang ganda ng usapan natin kahapon tapos ngayon ay ayaw mo na naman.” umiiling-iling ako dahil magkasalubong na ang kilay niya at mariing nakatitig sa akin.

“Nahapo lang ako kahapon. Ngayon ay ayos na ayos na ’ko. Mag-aaksaya lang tayo ng oras dito.”

“’La, huwag ka na pong makulit. Tutal nandito naman na tayo, e ’di tumuloy na din po tayo.”

“Makulit ka din talaga, Santi. Kapag maraming binigay sakin na gamot, makukurot kita sa singit sinasabi ko sayo.”

Napanguso ako habang kumakamot sa ulo. Nauna ng naglakad si Lola Tes. Hindi na niya ’ko hinintay pa dahil iritable siya sa akin. Pero para naman din ’to sa kanya. Akala yata niya ay sobrang lakas pa niya para hindi magpa-check up. Dapat nga ay buwan-buwan kami nagpapatingin ’di lamang dito sa center, kaso nga lang dahil sa kakapusan sa pera ay hindi naman namin kayang gawin iyon.

Malalim akong napabuntong hininga.

Nakaupo kami ngayon sa tapat ng doktor na siyang kumukuha ng presyon ni Lola Tes. Hindi ko naman maiwasan na kabahan dahil baka mamaya ay tama nga ang sinabi ni lola kanina. Pero pinagsawalang bahala ko ’yon at mariing nakatitig sa ginagawa kay Lola Tes.

Makalipas ang ilang minutong katahimikan ay binaba ni Doktora ang pang-BP na ginamit atsaka ngumiti sa amin. Ngunit kahit na gano’n ang itsura niya ay hindi ko maiwasan na kabahan.

“Okay naman si Lola Tes, hija. Napagod nga lang siguro lately sa pinaggagawa,” sabi ni Doktora habang nakatingin sa akin. Nakahinga naman ako ng maluwag matapos marinig ang maganda niyang sinabi.

“Pero wala naman po ba siyang kailangang bilhin na gamot?” sambit ko bigla, naninigurado.

“Wala, hija. Basta huwag niyo lang siya papagurin ng sobra-sobra para hindi siya mahapo agad. Tandaan niyo. Mas mabilis ng mapagod ang matatanda kaysa sa inyong mga bata pa.”

Tumango tango ako.

“Naiintindihan ko po, salamat po! Tuloy na din po kami, Dok. Salamat po ulit,” pagpapaalam ko. Sabay kaming tumayo ni Lola Tes at naglakad palabas ng center.

Nang naglalakad na kami sa labas ng center ay inismiran pa ako ni Lola Tes at sinabing tama siya sa sinabi kanina na ayos naman siya. Sinabihan din niya akong makulit dahil nga nagpumilit pa akong magpatingin siya. Hindi ko na lamang siya pinansin at nanahimik na lamang. Hindi naman kasi ako mananalo sa kanya kahit anong gawin at sabihin ko.

Malalim akong huminga at bumuga ng hangin.

Habang papunta kami sa sakayan ng tricycle. May natanawan kaming tatlong kabataan, dalawang babae at isang lalaki. Na mukhang nag-uusap kung sasakay ba sila sa tricycle o hindi. Kung susuriin din ang itsura nila ay mukhang mga taga-Maynila dahil kitang kita ang magagarbo nilang suot. At sa tingin ko ay konting taon lang din ang tanda nila sa akin.

Bago pa man kami makalapit ni lola sa kanila ay nakasakay na sila sa tricycle. Mabilis naman silang lumiit sa paningin namin dahil sa pagharurot nito. Pinagkibit balikat ko na lamang ang mga nakita. Ngunit hindi ko maiwasan na mag-isip.

Sino kaya ang mga ’yon?!

Makalipas ang dalawang araw. Ako lang ang naglako ng paninda namin ni lola para hindi siya mapagod ng sobra. Nais ko man na hindi mag-alok sa center ay hindi maaari dahil medyo matumal ang benta namin nitong mga nakaraan.

Kaya kahit na labag sa kalooban kong magtinda sa center ay naglako pa rin ako doon. Pero salamat na din at hindi ko natanawan ang bulto ni Senyorito Lucio.

Ang sabi-sabi nina Mang Boy at Mang Dado ay tatlong araw na din daw hindi nagpapakita ang amo nila. Na siyang pinagsawalang bahala ko naman dahil hindi ko naman siya gustong makita pa. Lalo na’t parang wala lang sa kanya ang nangyaring paghahalikan namin noong nakaraan.

Nag-ikot ako ng dalawang mata matapos mapabuntong hininga. Tama na nga ang pag-iisip sa mga taong walang kwenta. Tsk!

“Alam mo, Reb, minsan napapasabi din ako sa sarili kong mabait kang tao,” basag ko sa katahimikan naming dalawa.

Naglalakad kami ngayon papuntang bayan, pero nakahinto kami dahil kay Rebreb. Nagtataka naman siguro kayo kung bakit kami naglalakad pero no’ng kami ni Lola Tes ay namasaheros. Syempre, hindi naman na kaya ni lola ang maglakad ng may kalayuan.

Napalingon siya sa akin habang nakataas ang isang kilay. “Bakit bigla mo namang nasabi ’yan?”

“Wala, ang bait mo kasi sa mga hayop.”

Inirapan niya ako kaya tinawanan ko siya. Totoo naman kasi ang sinabi ko. Mabait naman talaga siya sa mga hayop. Kagaya ngayon, nakatayo ako sa tapat niya habang naka-upo siya at binibigyan ang dalawang pusa ng pagkain. Hinahaplos niya pa ang ulo ng mga ito habang nakangiting pinagmamasdan ang mga iyon na tila siya ang nagmamay-ari.

“Mabait naman talaga ’ko. Kelan ba ’ko naging masama sayo, Santi? Sige nga?!” hamon niya, may halong sarkastiko ang boses.

Nagkibit balikat ako.

“Ewan ko, pero isa lang ang sigurado ako,” binitin ko ang sasabihin atsaka siya nginisihan. “Hindi ka laging mabait sa ’kin.”

Napa-irap siya sa huli kong sinabi.

“Gaga! Tara na nga at baka mapagsarahan pa ’ko ng enrollment.”

Bigla naman niyang hinila ang braso ko kaya wala na akong nagawa kung hindi ang magpatianod sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit kami magkasama ulit ni Rebreb. Nagpasama siyang mag-enroll sa bayan dahil baka magastos pa daw niya ang perang binigay sa kanyang pang enroll.

Pumayag na lang din ako sa gusto niyang pagsama sa akin dahil wala naman akong gagawin. Atsaka, sinabi niya kasing ililibre niya ako mamaya sa may plaza pagkatapos naming mag-enroll kaya napapayag niya ko.

Nang marating namin ang State University na pinapasukan niya ay nakaabot pa siya sa oras. Buti na lang din dahil magsasarado na ang Registrar Office sa ilang sandali ng makarating kami.

Hindi naman nagtagal ang pag-eenroll niya kaya naglakad na kami palabas papuntang plaza. Habang naglalakad kami ay binasag niya ang katahimikan sa isang tanong.

“Ikaw, Santi. Kelan mo balak mag-enroll? Wala ka pa bang nakukuhang scholarship? Lumapit ka pa kaya sa iba. Sayang din kasi,” ani niya, ramdam mo ang panghihinayang at simpatya sa kanyang boses.

Malalim akong napabuntong hininga.

“Balak ko talagang lumapit pa sa iba. Pero nasabi din sa akin ni Lola Tes no’ng nakaraan na kakasya na siguro ang naipon niyang pera para sa pagpapa-enroll ko,” sagot ko na kanyang tinango-tanguan. “Pero, syempre ’yung baon pa sa araw-araw ang isang intindihin ko. May ipon din naman ako kaya kahit papaano ay pwede ko ’yon gawing pang baon.”

Natahimik siya ng ilang segundo matapos kong sumagot sa naging tanong niya. Ngunit kalaunan ay malalim din siyang napabuntong hininga.

“Hayaan mo, may ilang linggo pa naman para makahanap ka ng scholar. Ang gawin muna natin ngayon ay kumain ng meryenda dahil kanina pa ako nagugutom,” aniya atsaka humalakhak.

Natawa din naman ako. Iba talaga kapag may kaibigan kang magaan ang pananaw sa buhay.

Gano’n nga ang ginawa namin. Binilisan namin ang lakad papuntang plaza kung saan maraming nagtitinda ng iba’t ibang pagkain. Sa sobrang daming pagpipilian ay hindi ko maiwasan na mamangha dahil unang beses kong makapunta sa plaza na ganito ang ayos at itsura.

Buhay na buhay dahil sa mga nakasabit na banderitas na mukhang noong piyesta pa. Hindi na siguro nila inalis dahil sayang nga din naman kung itatapon lang. Isa pang bumuhay sa lugar na ito ay ang mga taong nandirito.

Marami ang tao pero hindi naman ’yung tipong magkakasiksikan dahil sobrang dami. Tama lang ang bilang ng dami para kumita ang mga nagbebenta.

“Doon tayo, Santi. Subukan natin at mukhang nasarap.” turo ni Rebreb sa di kalayuan na pwesto.

Napatango tango ako dahil mukhang masarap nga. Pero sana tama si Rebreb na masarap ang pagkain. Dahil kung hindi, sayang naman ang perang ipambibili. Singkwenta lang ang dala kong pera, kung sakali kasing may magustuhan akong iba. Nakakahiya naman na madaming ipabili kay Rebreb.

“Sige sige. Halika, Reb.”

Naglakad kami papunta doon sa bilihan na tinuro ni Rebreb. Nang makalapit ay nanubig ang bibig ko sa nakitang mga pagkain.

Una kong dinampot ang calamares dahil ang tagal ko na din hindi nakakatikim no’n. Si Rebreb naman ay chichow ang binili. Habang pinapainit namin ang pagkain ay naglakad kami sa di kalayuan. Doon sa Aleng nagbebenta ng foot long.

“’Yung calamares na lang ang ilibre mo sa akin, Reb. Ako na ang magbabayad nitong foot long ko,” sabi ko matapos naming sabihin ang kanya-kanya naming order.

Mabilis siyang umiling-iling.

“Naku hindi na, Santi. Ako na magbabayad nitong mga kakainin natin. Libre ko na sa pagpayag mong sumama sa akin ngayon,” nakangiting saad niya. Napanguso naman ako sa hiya, hindi gusto ang nais niyang mangyari.

“Ayos lang, Reb. May dala naman akong pera, para talaga ’to kapag may nagustuhan akong ibang bilhin.” pagtanggi ko.

“Ganito na lang, Santi. Para hindi tayo magkulitan pa. Ako na lang ang magbabayad nitong foot long tapos ikaw na ng magbayad sa calamares mo. Nang makamura ka din.”

Tumango tango ako.

“Sige, maraming salamat, Reb.”

“Huu, ewan ko sayo bakla ka! Nagdrama pa.”

Sabay kaming natawa sa huli niyang sinabi. Hindi naman nagtagal ay naluto ang foot long namin. Nang makapagbayad si Rebreb ay binalkan naman namin ang pinainit na calamares at chichow.

Pagkaraan ay naghanap kami ng pwesto kung saan pwede kaming ma-upo at makakain ng matiwasay.

“Bading, kuha ka ng chichow. Tikman mo ang sarap!” may pagka-eskandalosa niyang sabi kaya napapailing naman akong nakangiti sabay kuha sa chichow niya.

Nanlaki naman ang mata ko matapos natikman ang chichow niya. Ang sarap nga! Hindi pala siya eskandalosa. Sadyang, gano’n ang tamang reakyon para ilarawan ang lasa ng chichow na kinakain niya.

“Oh, ’di ba?! Ang sarap!”

“Oo nga, teka bibili din ako. Uuwi ko kina Ken at Benjie. Si Lola Tes ay mauwian na lang ng calamares,” ani ko sabay tayo sa pagkakaupo.

“Sige sige, hintayin a lang kita dito. Baka kasi kapag umalis ako ay mawalan tayo bigla ng upuan.”

Hindi na ko kumibo pa sa sinabi niya at naglakad sa bilihan ng chichow at calamares. Pinainit ko pa iyon kaya inabot ako ng limang minuto sa paghihintay. Nang makabalik ako sa pwesto kung nasaan si Rebreb ay nakita kong halos maubos na niya ang foot long na inorder namin kanina.

Nang maka-upo ako at susubo na sana sa pagkain ko ay bigla siyang ngumuso sa kaliwang banda kaya nagsalubong ang dalawang kilay ko.

Matigas siyang lumunok bago nagsalita. “Bading, tingin ka doon sa kaliwa mo. Nandoon si Senyorito Lucio, may mga kasama.”

Dahil sa naring ay hindi ko naman naiwasan na hindi tumingin sa kaliwang banda ko. At doon ay kitang kita ko ang maaliwalas na mukha ni Senyorito Lucio, malayo sa itsura niya noong huli kaming nagkita.

Ngunit ang mas nakakagulat ay ng makita ko kung sino ang mga kasama niya. Pamilyar sa akin ang mga mukha nito kaya mas tinitigan ko sila. At makalipas pa ang ilang sandali ay napagtanto ko kung saan ko sila nakita.

Dito sa may sakayan ng tricycle sa bayan. ’Yung mga kabataan na mukhang galing Maynila. At mukhang hindi naman ako nagkamali dahil galing ngang mga Maynila ’yan, kakilala ni Senyorito Lucio e.

Ang masayang damdamin ko kanina ay biglang napalitan ng lungkot. Dahil ang isa sa dalawang babae ay nakayapos ang mga braso kay Senyorito Lucio, na mukhang nasisiyahan naman dahil wala itong reaksyon. Hindi ko din alam kung bakit ganoon na lamang ang paniinikip at sakit ng puso ng makita ng dalawang mata ko mismo kung paano tanggapin ni Senyorito Lucio ang sinusubo nitong pagkain.

Mabilis akong nag-iwas ng tingin sa kanilang dalawa. Kung kanina ay hindi ko alam kung bakit nanikip at sumakit ang dibdib mo, ngayon ay mas hindi ko alam kung bakit may mga luhang lumandas sa pisngi ko gayong wala naman nakakaiyak na nangyari.

Wala ba talaga, Santi?!

Napabuntong hininga ako ng malalim bago pasimpleng pinunasan ang ang luhang lumabas sa mga mata ko. Muli kong binaling ang paningin sa kanila.

Napailing ako at napangiti ng walang halong saya. Alam ko… hindi ako palamurang tao, pero pwede bang paisa ulit?!

Ang sakit kasi talaga… tangina!


Return to top?

Part of a series

Hacienda Series By Prettyysss

Part 1 of 1
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.