Bawat Nakatago | Epistolary
seylisss · 13 chapters · 1,320 words
h
May lihim ako. Gusto kong ikwento. Gusto kong may makaalam. Subalit sa bawat pagsubok, sa bawat hakbang, pinangungunahan ako ng pagda-dalawang-isip, ng mga katanungan, ng mga pagdududa.
Nilason ko si Inay. Gulong-gulo ang isip ko sa dahilan. Sa galit ba? O sa kalungkutan? Ang gusto ko lang, mawala na ang bawat sigaw, bawat pagmumura, bawat matatalim na salita mula sa kan’ya.
Ang gusto ko lang, magkaroon ng katahimikan sa maingay at naguguluhan kong isipan. Ang gusto ko lang, maglaho ang boses na sumusugat sa puso kong lihim na tumatangis at nadudurog.
H.
i
Wala akong tinatago. Wala akong sikreto. Ngunit may alam ako. Hindi ko alam kung paano ikekwento. Hindi ko alam kung paano sisimulan.
Pero, estyudante at guro. May lihim. May koneksyon. May relasyon. May asawa ang guro, may nobyo ang estyudante.
Uwian nang ako’y may maiwan sa aming silid kaya bumalik ako upang kunin iyon. Subalit sa aking dahan-dahan na paglalakad, sa bawat paglapit ko sa classrom, ang ingay na nagmumula roon ay mas lumalakas, mas naririnig, mas naiintindihan.
Naudlot ang aking paghakbang, nagda-dalawang-isip na kung tutuloy pa ba o iiwasan nang masaksihan ang isang kasalanan. Subalit, pinili ko ang nauna. Tumuloy ako sa paglakad, at piniling maging saksi sa desisyong bumihag sa kanila upang magkasala.
I.
d
Sikreto. Lihim. Marami ako nun. Gustuhin ko mang huminto, gustuhin ko mang ayawan, hindi maaari, hindi ko magagawa.
Malaki ang kita. Kasalanan man o hindi, ang mahalaga ay may naipangbibili ako nang maisusubong kanin at ulam. Sa umaga, sa tanghali, at sa hapon. Napag-aaral ko pa ang mga kapatid at may naibibigay na allowance kina Mama at Papa. May panggastos pa sa mga kapritso sa sarili at tuwing gala naming magkakaibigan.
Pagbebenta ng katawan? Hindi ko alintana iyan, kung ang kapalit naman ay buhay na hindi naghihirap at maayos ang pagtustos sa pangangailangan ko at ng aking pamilya.
D.
d
Bukas na libro ang buhay ko. Ngunit isang katotohanan ang hindi alam ng marami tungkol sa akin.
Hindi ako anak ni Lolo. Anak ako ni Tito. Totoong ginalaw ng sariling ama ang aking ina, subalit ang kapatid ang s’yang tunay na nakabuntis sa kan’ya.
Ang lihim na pilit tinatakpan upang maging malaya sa kasalanan, hindi magtatagal ay sisingaw at sisingaw din. Lalo na kung ang bawat matang nakatingin ay nanghuhusga at tila naghihintay ng panibagong maihuhusga.
D.
e
Pagtakas nga ba ang solusyon sa pagkakamali? O ang pag-amin na nadala lamang sa galit na matagal ikinubli?
Pagkuha ng buhay sa taong sumira sa ’yo. Pagbibigay atensyon sa matagal nang bumabagabag sa ’yo. Isang kalabit lang ng gatilyo ang kailangan upang makita s’yang duguan at naghihingalo.
Pagkuha ng pag-aaring hindi kan’ya ang nagtulak sa akin upang maghiganti sa paraang hindi na s’ya muli pang makakapang-angkin ng hindi sa kan’ya.
Makulong man o hindi, ang mahalaga, tagumpay ako sa pagkuha ng kapalit sa mga bagay at taong sa akin naman talaga nararapat ngunit kinuha lang ng mapaghangad kong kapatid.
E.
n
Mali, subalit ako’y nagpadala. Nagpadala sa tuksong magdadala sa akin sa impyerno. Matagal kong itinago, matagal kong kinimkim sa sarili ko. Subalit ang konsensyang ilang araw nang kumakatok sa isipan at damdamin ko ang s’yang nagtulak sa akin upang kumalas na.
Ang pakikipagrelasyon sa iba kahit may sarili nang pamilya ay dumungis sa katinuan ng aking pagkatao. Nadala lang ako. Ginusto ko lang makalasap ng kakaiba.
Subalit malaki na ang aking pagkakamali sa pagkakataon pa lang na nagpatupok ako sa apoy ng kasalanan. Sa pagkakataong naglihim ako at sinira ang tiwala ng mahal kong asawa.
Gusto ko nang umamin. Gusto ko nang isiwalat ang lahat ng aking pagkakamali. Ngunit ang kapalit ng aking desisyon, ang s’yang hindi ko kayang harapin.
N.
s
Sa bawat dampi ng ’yong palad at sa bawat haplos mo sa hindi dapat ay pangingilabot ang dulot sa aking sistema.
Pa, bakit?
Ang tanong na gustong-gusto kong masagot mo ngunit alam kong walang anumang tamang sagot.
Wala kasi ang Mama mo e… Ngayon lang naman… Tatay mo naman ako e… Libog na libog na kasi ako, anak… Pwede naman na… Ang sexy mo kasi, anak… Isa lang naman… Huli na ’to, sige na… Anak naman kita…
Anak. Halos katumbas na ng mga salitang Mama at Papa. Ginagalang, minamahal, inaalagan, dinidisiplina, hindi sinasaktan, dinudurog, at sinisira ang pagkatao.
S.
e
Ako ba dapat ang sisihin? O ang mga kaibigan kong nagtulak sa akin?
Namumula ang paligid ng mga mata, tila wala sa sarili, at lubog na ang mga pisngi sa bawat hithit ng droga. Ang alam ko lang, ito na ang buhay ko ngayon, at hindi ko na alam kung paano ito tatalikuran.
Minahal ko, pumasok na sa sistema ko, at ito na ang nagsisilbing hangin ko. Isang problema lang naman ang gusto kong masolusyunan sa buhay ko, ang paghihirap. Subalit lahat yata ng problema ko ay nilutas na nito.
Kaya napapangiti ako at napapasayaw na lamang kahit walang tugtugin. Dahil masaya na ako ngayon sa buhay na wala nang kahit anong iisipin, pambili na lang nang mahihithit kapag naubos na itong nakatago ko.
E.
c
Disgrasyada. Walang utang na loob. Malandi. Walang pinag-aralan. Walang mapupuntahan sa buhay. Lumayas ka. Wala akong anak na katulad mo.
Ang mga salitang hinding-hindi ko gugustuhing marinig mula kina Mommy at Daddy. Nagkamali ako, ngunit gusto kong itama.
At ang desisyong ipa-abort ang batang nasa sinapupunan ko ang unang-unang pumasok agad sa aking isipan. Alam kong mali at mahirap, subalit kung hindi ko gagawin ay mas lalo akong mahihirapan.
Nag-iisa akong anak. At nararapat lang na sa akin mapunta lahat ng atensyon ng aking magulang na ibinibigay nila sa akin. Kaya ayokong masira lamang iyon ng isang gabing pagkakamali sa edad kong kensi.
C.
r
Muli akong nagtago sa talahiban at sumilay ang ngisi sa labi nang makita silang nagyakapan.
Si Tito at si Mama. May panibago na namang idadagdag na kasalanan sa listahan nila. Nakakamangha, na sa loob ng limang taon ay malinis nilang naitago ang sikretong maging ako man ay hindi makapaniwala.
Isang taon na akong nagmamasid at nagmamanman sa bawat lihim na pagtitinginan, sa bawat pasimpleng paghahawakan, sa bawat patagong paghahalikan, at sa bawat lihim na pagtatagpuan.
Alam ko na lahat, maging ang oras ng kanilang pagkikita at ang dahilan kung bakit nila ito ginagawa. Naghihiganti.
Kapatid ni Mama, asawa ni Tito, kabit ni Papa. Kaya si Mama, na kapatid ng kabit ni Papa, ay kabit na rin ni Tito.
R.
e
Basag ang mukha. Duguan at gusot-gusot ang uniporme sa pinapasukang eskwelahan.
Dahil bobo at para tumaas ang grado at makapagtapos sa highschool. Kinontrata ako ni Teacher Julio na maging punching bag tuwing nagagalit s’ya sa mga estyudante n’ya.
Kaya heto ako ngayon, ipit ng isang kamay ang limang daan, nananakit ang katawan subalit may nakaguhit na ngiti sa labi.
Salamat kay Teacher Julio, may maiuuwi ako kay Papa pang-inom n’ya. Ibibili na ako nun ng isang lata ng sardinas at hindi na ako masasampal at masisipa sa tyan pag-uwi ko sa bahay.
E.
t
Masakit. Ang bawat pagsunog n’ya ng upos ng sigarilyo sa aking balat. Subalit kaya kong tiisin, kahit ano pang gawin n’ya sa akin. Kaya ko, kakayanin ko huwag n’ya lang gagalawin ang mga anak ko. Ang mga anak namin.
Lahat ng sakripisyo mapanatili lang na hindi masasaktan ang mga anak ko, malugod kong tatanggapin hanggang sa huling hininga ko.
Alam kong nagkamali ako sa pagpili o sa pagmamahal sa kan’ya. Pinagsisisihan ko. Subalit hindi ko pinagsisisihang naging ina ako sa lima kong mga anak. Masaya na ako na nasa maayos silang kalagayan, nakakapag-aral, masaya, may mga kaibigan, at malayo dito, malayo sa lugar na maihahalintulad na sa impyerno.
T.
s
Nanlalamig. Naninigas. Walang buhay. At walang naghahanap.
Pinagmamasdan ko ang sarili. Nakahandusay sa lupa. Tila basurang basta na lamang itinapon ng may mga kasalanan.
Hindi ko pinangarap na makita ang sarili sa ganoong sitwasyon. Ang pangarap ko, makapagtapos ng pag-aaral at mamuhay ng matiwasay. Subalit hanggang pangarap na lamang iyon at wala nang katuparan.
Luha. Basa. At Walang humpay.
Bakit ako pa? Bakit ako pa?
S.

