loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Built to Last (TWL #1)

Built to Last (TWL #1)

elyjindria · 3 chapters · 3,308 words

Those Who Last Series

THOSE WHO LAST
is a collaboration between Elyjindria × VricEN, a series about ordinary men who endure extraordinary hardships. 

Each story explores different forms of struggle—work, poverty, loneliness, loss, and love. Life changes, people leave, and everything eventually passes, but some choose to remain.Because in the end, this series is about the people, the moments, and the love that lasts. 

THOSE WHO LAST

Book 1: Built to Last by Elyjindria 

Book 2: Until The Last Harvest by VricEN 

Book 3: Caught At Last by Elyjindria 

Book 4: The Last Passenger by VricEN

![](https://img.wattpad.com/a7ada9a7b0a153a737cc37389c96e2117bcb98ae/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f4b497161746770596a44546e55413d3d2d313635353732303131352e313864323963306339616330653561353532343234323839363339352e706e67)

────°❀⋆.ೃ࿔:・°❀⋆.ೃ࿔:・────

Kindly follow
VricEN
 to be updated on the other installments of the series. Thank you! Here’s his profile: 
VricEN

![](https://img.wattpad.com/987b65714daf8d688e85f81a9a530f03a5738899/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f4342726742436463573947506a513d3d2d313635353732303131352e313864323963333238646264636432313733323036323230333433322e6a7067)

Built to Last

Those Who Last Series 1
BL

Suplado, mailap sa tao, sa anak lang mabait, at hindi man lang mautangan—ilan lang iyan sa mga sinasabi ng mga tao tungkol kay Mac. Wala naman siyang pakialam sa mga iyon. Wala nang ibang mahalaga sa kaniya kundi ang kaniyang anak—at ang karinderyang bumubuhay sa kanilang mag-ama.

Normal at paulit-ulit na lang ang mga nangyayari sa buhay niya hanggang sa guluhin iyon ni Estong, isang guwapong construction worker. Buong akala ni Mac ay katulad lang ito ng iba na madadaan niya sa pagtaboy at pagsusungit, pero nagkamali siya. Hindi basta matinag si Estong sa panliligaw sa kaniya… Ngunit desidido rin si Mac. Masyado siyang maraming kailangang gawin at unahin sa buhay, at wala nang puwang pa ang pag-ibig doon.

Pero kahit anong pagtulak niya kay Estong, tila puso na rin niya ang lumalaban sa kaniyang sarili. Unti-unting binuo ni Estong ang pagmamahal sa puso ni Mac na inakala niyang hindi niya kailanman kakailanganin.

Hindi akalain ni Mac na mabubuo pa sa puso niya ang isang pagmamahal na magtatagal at mananatiling matibay—kahit paghiwalayin pa sila ng tadhana, at kahit ilang taon pa ang lumipas.

Chapter 1

Macario

“Mac”

Bautista

Year 2010

“Pwede utang muna, Mac? Kahit ngayon lang, oh,” pakiusap ni Benjamin, o
Jabol
kung tawagin ng karamihan… dahil may nakahuli raw sa kaniya na nagsasarili.

“Kung wala kang pambayad, ‘wag ka rito kumain sa karinderya ko,” malamig na sabi ko saka ginamit ang pamaspas ko ng langaw at sinadya ko siyang tamaan no’n.

“Ikaw lang dito ‘yong ‘di nagpapautang. Sayang kasi ang sarap ng mga ulam mo. Dadami ang customers mo kung mabait ka nang kaunti. Maniwala ka sa’kin, parang magic ‘yan,” nakangising pangungumbinsi niya sa akin.

Mas lalong sumama ang mukha ko sa pinagsasabi niya. “Kung hindi ka titigil, gagawin kong flashlight ‘yang ulo mo.”

Nakakasilaw kasi ang kalbong ulo nito. Hindi ko alam kung bakit trip niya maging kalbo.

Napanguso siya saka humawak sa ulo niya. “Ay, grabe siya. Karma na lang bahala sa’yo. Oh, ito bayad. Grabe, parang walang pinagsamahan,” bulong pa niya.

Hinablot ko kaagad ang bayad niya. “Wala talaga dahil hindi naman tayo close.”

Mamamatay muna ako bago ako magpautang. Wala akong pakialam kung wala na silang makain, basta hindi ako magpapautang. Diyan magsisimula iyan. Sasamantalahin ka nila kapag mabait ka. Sa hirap ng buhay, wala na akong panahon para sumakit ang ulo sa mga mapagsamantalang tao.

Tumingin ako sa orasan. Agad kong inalis ang suot kong apron at hairnet. Malapit na pala mag alas kwatro ng hapon. Marami pa rin ang customers sa karinderya ng ganitong oras dahil may mga merienda rin akong tinitinda. Kumpleto ang tinitinda ko mula umagahan hanggang hapunan. Matao rin kasi sa pwesto ko rito sa bayan kaya talagang sinasamantala ko.

“Ikaw muna ang bahala rito,” sabi ko kay Toto, tauhan ko rito sa karinderya.

“Oo naman, boss! Kayang kaya ko na ‘to!” sabi niya habang nagbebenta ng maruya sa customer.

Hindi na ako sumagot pa at agad na ring itinali ang mahaba kong buhok. Mabilis na tumingin ako sa salamin. May salamin dito sa karinderya ko dahil ayokong magmukhang madungis kapag ihahatid o susunduin ko ang anak ko sa school.

Napabuga ako ng hangin. Hindi na ako nakakapagpagupit sa sobrang dami kong ginagawa araw-araw. Napailing na lang ako at agad na kinuha ang wallet ko saka lumabas ng karinderya.

Agad akong dumiretso sa TODA para sumakay sa tricycle. Dito rin naman sa bayan ang school, pero matagal tagal kung lalakarin ko. Baka naghihintay na sa labas ng school si Macky.

“Oy, oy! Mac! Sakay na! Sa Cariega Elementary School, ‘di ba?” tanong ni Jabol habang kinakain ang turon na binili niya sa karinderya ko kanina.

Ayoko sanang sumakay sa kaniya dahil napakadaldal niya at ang daming sinasabi, pero siya ang una sa pilahan ng tricyle. Hindi naman ako pwedeng tumalon sa iba.

Napaismid na lang ako at sumakay sa tricycle niya. Nakita kong napangisi siya nang sumakay sa tricycle niya. Inisang subo niya na ang natitirang turon saka itinapon ang plastic sa malapit na sako.

Agad na siyang pumadyak sa tricycle niya at pinaandar iyon. Hindi na ako nagsalita at hinayaan ang hangin na dumampi sa mukha ko habang umaandar ang tricycle niyang mas matanda pa yata sa akin. Kaunti na lang yata at bibigay na ang tricycle niyang ‘to.

“Kung pinautang mo ako kanina, e ‘di sana libre ‘yong pamasahe mo. Ang sungit mo kasi masyado, pare ko. Kaya hindi ka nagkakaroon ng syota
,
e. Mawawala ka na sa kalendaryo, oh,” daldal niya habang nagmamaneho.

Nakakunot lang ang noo ko at hinihiling na manahimik na ang tarantadong kalbo na ‘to.

Twenty nine lang ako, may isa hanggang dalawang taon pa bago mawala sa kalendaryo. Saka isa pa, wala sa isip ko ang pakikipagrelasyon. Kulang na kulang pa nga ang oras ko sa karinderya at pag-aalaga sa anak ko, tapos idadagdag ko pa ‘yon. Dagdag gastos lang ‘yon magkaroon ng karelasyon.

Saglit lang, nakarating na rin kami agad sa school. Agad ko siyang inabutan ng bayad at bumaba ng tricycle niya. May sinabi pa siya pero hindi ko na pinansin at wala naman akong pakialam sa pinagsasabi ng madaldal na ‘yon.

Natigilan ako nang mapansing wala sa gate ang anak ko. Napakagat ako sa ibabang labi ko at agad na hinanap si Macky.

“Mac!”

Natigilan ako nang tawagin ako ng gwardiya ng school. Agad akong lumapit sa kaniya. “Nakita niyo po ba si Macky?”

Kilala ng mga gwardiya at guro dito ang anak ko. Sikat siya… sa hindi magandang dahilan.

“Naku, Mac. Nandoon pa rin sa classroom. Nagkukumpulan doon kanina dahil may inaway raw si Macky.”

Napamura ako sa isip ko at agad na tumakbo papasok ng school.
Sabi na nga ba, e.
Kaya kinakabahan na ako nang hindi ko siya makita sa gate.

Agad akong dumiretso sa classroom ng Grade 5 Banaba, section ng anak ko. Nakita kong nandoon pa sa classroom ang teacher niya na si Ma’am Clarisse. May isang bata rin na umiiyak habang nakayakap sa nanay.

Ang anak ko na si Macky ay nakahalukipkip lang at nakaiwas ng tingin. Tila siya pa ang matapang… kahit sigurado ako na siya ang nanakit.

Napabuga ako ng hangin at napahawak sa noo ko. Agad akong nilingon ni Ma’am Clarisse. “Sir… Mabuti naman at dumating na po kayo.”

Humawak ako sa batok ko. “Ano po’ng nangyari, Ma’am?” tanong ko.

Tumingin ako kay Macky. Hindi ito tumingin sa akin, nanatiling nakaiwas ang tingin niya habang nakahalukipkip.

Ano na naman ba’ng ginawa ng magaling kong anak?

“Sir, nag-text po ako sa inyo kaso hindi niyo po yata nakita. Si Macky po kasi… itinulak niya ang kaklase niyang si Jordan.”

Napamura na lang ako sa isip ko at tumingin kay Macky. Tumingin din siya sa akin. Napaiwas siya ng tingin nang makitang sinamaan ko siya ng tingin.

Bilang na bilang lang sa daliri kung pagalitan ko si Macky. Ako lang ang nag-iisang magulang na mayroon siya. Pumanaw ang kinakasama kong si Jackie, Mama niya, noong ipinanganak siya. Kaya pinipilit kong ibigay ang lahat ng kailangan at gusto niya lalo na’t lumaki siyang walang nanay.

Pero minsan, masyado ko na yata siyang kinukunsinti.

Napabuntonghininga ako at tumingin kay Ma’am Clarisse. “Sorry po, Ma’am. Pagsasabihan at kagagalitan ko po ang anak ko sa bahay.”

Tumingin ako sa nanay ng kaklase ni Macky. Agad akong lumapit sa kaniya. Napalunok naman siya at napaiwas ng tingin… Bahagya rin akong napaatras. Ayoko namang isipin niya na tinatakot ko siya dahil matangkad at malaking lalaki ako. Anak ko naman ang may kasalanan dito.

“Pasensya na po sa ginawa ng anak ko. Pagsasabihan ko po siya pag-uwi. Pasensya na po talaga,” hinging paumanhin ko.

“Ayoko na ring palakihin ito. Sana lang ay ‘wag nang maulit. Siguro naman magagalit ka rin kung ikaw ang nasa posisyon ko,” seryosong sabi ng magulang ng bata.

Tumango ako. “Opo. Naiintindihan ko.” Tumingin ako sa kaklase niyang si Jordan. “Sorry sa ginawa ng anak ko.”

“Ano po ba, ‘tay?! ‘Wag ka po magsorry diyan! Sabi niya bakla ka dahil wala kang asawa! Dahil wala akong nanay!”

Natigilan ako sa sinabi ni Macky. Pati si Ma’am Clarisse at ang magulang ni Jordan ay napasinghap.

Agad akong lumapit kay Macky. Humawak ako sa magkabilang balikat niya at lumuhod sa harapan niya. “Totoo ba ‘yon, ‘nak? Sinabi niya ‘yon?” tanong ko.

“Oo nga po! Sabi niya bakla ang tatay ko dahil wala kang asawa at wala akong nanay! Sino po ba ang magtutuwa ro’n?! Siya po ang dapat magsorry sa’yo dahil masama siyang bata!” singhal ni Macky at dinuro si Jordan.

Agad na napaiwas ng tingin si Jordan at umiyak sa nanay niya. Namutla naman ang mukha ng nanay niya at humawak sa balikat niya. “Totoo ba ‘yon?! Sinabi mo kay Macky ‘yon?!” tanong ng ginang.

Napahagulgol ng iyak si Jordan. “E, totoo naman po ang sinabi ko! Bakla po—”

“Jordan! Hindi kita pinalaking ganiyan ha!” agad na singhal ng ginang. “Magsorry ka kay Macky! Hindi mo dapat sinasabi ‘yan sa iba!”

Mas lalong umiyak si Jordan. Umupo ito sa sahig at nagsisipa habang umiiyak. Namumula ang mukha na tumingin sa akin ang nanay niya.

“S-Sorry… Papagalitan ko rin ang anak ko pag-uwi namin,” hinging paumanhin niya.

Napabuntonghininga ako at tumango. Kahit gustuhin ko man magalit, may kasalanan din naman ang anak ko dahil tinulak niya si Jordan.

Natapos na ang usapan sa pagitan namin. Mahinahong naayos naman ang usapan. Agad na rin kaming umalis ng school pagkatapos no’n.

Tumingin ako kay Macky habang naglalakad kami. Bitbit ko ang bag niya habang nakahawak sa kamay niya. Nakatungo lang ito at hindi tumitingin sa akin.

“Macky… anak.”

Nag-angat siya ng tingin sa akin. “Bakit po, ‘tay?” tanong niya.

Ngumiti ako at bahagyang kinurot ang pisngi niya. Sa lahat ng mamanahin niya sa’kin, ‘yong init ng ulo pa talaga ang nakuha niya. Kamukha niya nga ang ina niya na si Jackie… pero ang ugali, sa akin nakuha.

“Gusto mo ng ice cream?” nakangiting tanong ko.

Napatigil ang dalawang babaeng dumadaan at tumingin sa akin. Hindi ko na sila pinansin pa. Pero pamilyar sila sa akin, siguro bumibili sa karinderya ko.

“Si Mac ‘yon, ‘di ba? ‘Yong may ari ng karinderya?”

“Oo, marunong pala ngumiti ‘yon? Pogi niya pala.”

Hindi ko na sila pinansin at nanatiling nasa anak ko ang tingin.

Agad na ngumiti si Macky. Cute at gwapong bata itong anak ko. Maputi ang balat, nagmana kay Jackie. Mataba ang pisngi at kulay brown ang mga mata. Mahaba rin ang pilikmata. Kapag tumitingin ako sa kaniya, hindi pa rin ako makapaniwala na sampung taon na siya.

“Yehey! Gusto ko po ng ube flavor!” excited na sabi niya at nagtatalon pa.

Mas lalong lumaki ang ngiti ko. Ang bilis niya talaga pasayahin. Ice cream lang ang katapat niya.

Agad kaming tumigil sa tapat ng nagtitinda ng ice cream para bilhin ang paborito niya. Agad kong inabot sa kaniya iyon. Hindi maalis ang ngiti sa labi ko habang nakatitig sa kaniya.

Kasalanan ko rin talaga kung spoiled siya… Sobrang mahal na mahal ko si Macky. Kung ako ang nag-iisa niyang magulang, siya naman ang nag-iisa kong pamilya. Kaya hindi ko na inisip pang magkaroon ng karelasyon ay dahil gusto kong matutukan ang anak ko.

Nang makauwi kami, agad ko siyang pinagpalit ng damit. Kaya hindi pwedeng wala akong katiwala sa karinderya dahil inaasikaso ko rin talaga si Macky.

Sinuklay ko ang buhok niya habang nakaupo ako sa rattan sofa. Ibinaba ko ang suklay saka humawak sa magkabilang balikat niya.

“Anak… ‘wag mo nang uulitin ‘yon, ha. ‘Wag ka na ulit mananakit ng kaklase. Hindi maganda ‘yon. Kapag nakita ka ni Nanay mo mula sa langit, malulungkot ‘yon,” sabi ko saka itinuro sa kaniya ang litrato ng nanay niya na nakalagay sa maliit na mesa.

Napanguso si Macky. “Sorry, ‘tay. E, kasi naman po… ayoko lang po na sinasabihan ka nila ng ganoon.”

Ngumiti ako saka marahang hinaplos ang pisngi niya. “Wala naman sa’kin ‘yon, ‘nak. Alam ko nasasaktan ka sa sinasabi nila. Kapag gano’n isumbong mo na lang kay teacher, ha. ‘Wag ka na mananakit.”

Napabuga siya ng hangin at tumango. Hindi ko alam kung susundin niya ako dahil ilang beses na namin pinag-usapan ito.

Hinaplos ko ang buhok niya. “Sorry, ‘nak… Si tatay lang ang meron ka. Malungkot ka ba na wala kang nanay? Na hindi mo siya kasama ngayon?” tanong ko sa malambing na boses.

Napaiwas ng tingin si Macky. “Hindi po, ‘tay. Masaya na po ako na tayong dalawa lang.”

Alam kong kahit na sinasabi niya ‘yan, hinihiling niya na sana kasama pa namin ang nanay niya ngayon.

Humalik ako sa noo niya. “Mahal na mahal kita, ‘nak.”

“I love you too po, ‘tay.”

Napangiti na lang ako at hinaplos ang buhok niya. Kapag nagbinata siya, siguradong hindi na niya masasabi iyan sa akin, kaya sasamantalahin ko na ngayon habang sinasabi niya pa. 

────⟡𓌉◯𓇋₊🛠˚⊹♡────

Bumalik na rin ako sa karinderya pagkatapos kong patulugin si Macky. Buti na lang at kaunting lakad lang ang bahay ko sa karinderya, at isa pa, nasanay rin si Macky matulog nang maaga. Natutulog na agad iyon ng alas siete hanggang alas otso ng gabi. Kapag ganoon, bumabalik agad ako sa karinderya dahil hindi ko naman pwede iasa sa mga katiwala ko ang pagsasara no’n.

“Boss gwapings!” pagtawag ni Toto sa akin.

“Kumusta?” tanong ko saka lumapit sa kaniya at sinilip ang mga nakadisplay na ulam. May mga kaunti pang natira.

Pero siguradong may papakyaw nito mamaya.

“Boss Mac…”

Natigilan ako nang may tumawag sa akin. Dumating si Arsel. Agad na napatingin sa kaniya ang mga customer ko.

“Boss Mac, tutulong ako sa karinderya bukas, ha,” seryosong sabi niya.

Agad akong tumango. “Sige lang. Kahit ‘wag ka na magsabi. Welcome ka rito lagi.”

Magandang lalaki si Arsel. Hindi siya ‘yong may hitsura lang, talagang gwapo siya. Siya ‘yong tipo na hinahabol ng tingin ng mga babae man o lalaki. Kaya gustong gusto ko kapag ume-extra siya rito sa karinderya ko. Mas marami ang customers ko kapag nandito siya at talagang ubos ang mga ulam.

Umalis na rin agad si Arsel. Dumaan lang yata talaga. Nagsimula na kami magbalot ng mga natitirang ulam ni Toto.

“Wait lang, ‘wag muna magsara, ha!”

Iyan na nga.

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o mabibwisit na nandito na naman siya.

“Uy, nandito na naman manliligaw mo, Mac!” kantyaw ng customer na kumakain.

Napakunot na lang ang noo ko at hindi kumibo. Baka mabigwasan ko pa kahit na customer ko.

Lumapit siya na may malaking ngiti sa labi. Kitang kita ang dimples sa magkabilang pisngi nito. Siya ‘yong tipo na kapag pumasok, tila magliliwanag ang paligid.

“Estong, papakyawin mo ulit?!”

Nagtawanan ang mga customer sa karinderya. Tumingin ako kay Estong. Suot pa niya ang manipis na kulay puting long sleeves na tila uniporme niya sa construction site. At dahil puti, kitang kita ang mga dumi roon.

Napatingin agad sa kaniya ang mga kumakain. Matangkad na ako, pero mas matangkad pa rin siya sa akin nang kaunti. Kung six feet ang taas ko, sa kaniya siguro ay nasa six feet at two inches.

Maskulado rin ang katawan siguro dahil palaging nagbubuhat. Semi kalbo. May kaitiman ang balat dahil laging bilad sa araw sa pagtatrabaho sa construction. Mabait siya tingnan, hindi katulad ko. Palagi pang nakangiti.

Sobrang palabiro nga lang. Naiinis ako sa kaniya dahil ginagawa niyang biro na manliligaw sa akin. Hindi ko gusto ang mga ganiyang biro lalo pa’t parehas kaming lalaki.

“Ito na ba mga natira, Mac? Bilhin ko na lahat…” nakangiting sabi niya sa akin.

Napakunot ang noo ko. Hindi ako kumibo at tumuloy na akong magbalot ng mga natitirang ulam.

Umalis na rin agad ang mga customer dahil magsasara na kami. Hindi naman umalis kaagad si Estong at naghihintay na magsara kami.

Abala ako sa pagbibilang ng kinita ngayong araw. Tumulong si Estong sa paghuhugas ng mga pinggan at pagliligpit.

Noong una ay pinipigilan ko pa siya dahil hindi siya nagpapabayad, pero napagod na rin ako pumigil dahil ayaw niyang magpapigil.

“Thank you, Boss gwapings!” nakangiting sabi ni Toto nang iabot ko sa kanya ang sahod niya ngayong araw.

Tumango na lang ako at binitbit ang mga gamit na iuuwi ko. Natigilan ako nang mapatingin kay Estong na hinihimay ang mga pagkain na pinakyaw niya sa akin at pinapakain sa mga aso at pusa.

“Oh, isa-isa lang ha. Lahat mabibigyan!” natatawang sabi nito.

Napailing na lang ako at hindi na nagsalita pa. Naglakad na ako bitbit ang mga gamit ko.

Natigilan ako nang makarinig ng takbo. May kumuha ng bitbit kong malaking bag. Napatingin ako kay Estong na sumabay sa akin maglakad.

“Grabe ka, ha. Hindi mo man lang ako tinawag my
labs?”
tanong niya at humawak pa sa dibdib. Kunwaring nasasaktan.

Hindi ako kumibo, nanatiling nakakunot ang noo ko saka hinablot sa kaniya ang bag ko. “Pwede ba, lubayan mo ako!” naiiritang asik ko.

Siya lang yata ang nakakapagpapikon sa akin ng ganito.

“Grabe si crush, oh… Masama bang magka-crush at manligaw sa’yo?” tanong niya saka ngumuso.

“Oo! Dahil hindi naman ako bakla. May anak nga ako, e!” asik ko saka binilisan maglakad.

“E ‘di ayos. Parang may anak na rin ako!” sabi niya saka binilisan din maglakad.

Naiiritang nilingon ko siya. “Hindi ako natutuwa sa mga biro mo, Estong! Talagang pinapakita mo pa sa iba ‘yang mga biro mo!”

“Grabe ka, Mac. Kailan ba ako nagbiro sa’yo? Seryosong seryoso ako sa’yo. Ikaw lang ang tinitibok at sinisigaw nito,” sabi niya saka itinuro ang dibdib.

“Puro ka katarantaduhan, Estong.” Napabuga ako ng hangin at umiling. Wala nang pag-asa ang lalaking ‘to.

Ilang buwan na ring nangungulit sa akin itong si Estong. Hindi ko pa rin talaga maintindihan ang taong ito. Wala akong pakialam kung bakla siya o ano… basta ‘wag lang ang ako ang loko-lokohin niya.

Napailing ako at mas binilisan ang lakad para hindi niya na ako mahabol pa. Pero sadya talagang makulit ang Estong na ‘to at pilit na sumunod sa akin.

“Mac! Mac! Mac! Grabe, para na ‘kong manok dito, oh!” reklamo niya habang humahabol sa ako. “Mac! Mac! Sige na—aray!”

Natigilan ako at lumingon sa kaniya. Napakunot lalo ang noo ko nang makitang nadapa siya sa sahig.
Tangina naman.

Naiinis na binitiwan ko ang mga bitbit ko at lumapit sa kaniya na nakabagsak sa sahig na parang tanga.

“Hoy! Ano?! Ayos ka lang ba? Tangina naman. Napakabobo mo!” iritadong asik ko.

Nag-angat siya ng tingin sa akin saka umupo sa sahig. Humawak siya sa tuhod niya. “Ang sakit…”

“Talagang masakit ‘yan kasi tanga ka!” asik ko.

“Aray! Ang sakit!” hiyaw niya habang nakahawak pa rin sa tuhod.

Medyo nataranta ako dahil baka napuruhan o nabalian talaga siya. “Tangina! Pa’no ba’ng gagawin ko?!” tanong ko.

Tumingin siya sa akin. “Kiss mo nga para hindi na masakit.”

Agad na umakyat ang dugo sa ulo ko sa sinabi niya. Sa sobrang inis ko, humawak ako sa balikat niya at sinikmuraan siya. Napadaing naman siya at napahawak sa tiyan niya.

Naiiritang tumayo ako at kinuha na ulit ang mga gamit ko saka iniwan siya roon.
Tangina.
Dapat hinayaan ko na lang siya roon, e!

“Salamat sa suntok, Mac! Next time, apakan mo naman ako, ah.
Labyu!”

Napahalukipkip ako at agad na rin siyang iniwan doon.

Tarantado!

────⟡𓌉◯𓇋₊🛠˚⊹♡────

![](https://img.wattpad.com/9ce584df5191254d7fd9a3e9c1840395828c0eaf/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f356b74386a33792d45687a7863773d3d2d313635353738333731302e313864326231636333633962636265373939333031383337363032372e706e67)

![](https://img.wattpad.com/173d7ca3808235896a6bee9413041ba073329821/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f38693473496d71646b67546a67413d3d2d313635353738333731302e313864326231636535663930393439353234313739373339323635392e706e67)

Art by Bradley Loserr


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.50.274
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.