Christmas Lights
Cold Deee · 26 chapters · 33,528 words
AUTHOR’S NOTE
Maligayang unang araw ng Pasko!
Una sa lahat, nais kong ipahayag ang aking pasasalamat sa pagbuklat mo ng kuwentong ito. Sana, sa istoryang ito ay mabigyan ka ng inspirasyon at pag-asa. Hangad ko rin na may mapulot kang aral.
Para naman sa hindi pa aware, ang kuwentong ito ay naglalaman ng pag-iibigan sa pagitan ng dalawang lalaki. Kaya naman kung hindi mo nais makabasa ng ganitong uri ng kuwento, maaari mo nang lisanin ito.
Nais ko rin ipaalam na minsan na itong nai-publish sa Wattpad at Facebook page ng lgbtPH . Nagkaroon lamang ng problema kaya nawala ito sa Wattpad. Kaya heto, inihahandog kong muli sa inyo. Ang ilan siguro ay nabasa na ito, pero kung nais n’yong mabasang muli, maraming salamat sa inyo.
Nasungkit ng kuwentong ito ang unang parangal taong 2016 sa pamamagitan ng isang writing contest — iyon ay nagmula sa Wattpad LGBTPh . Paligsahan iyon kung saan ang tema ay ukol sa Pasko.
Ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako kung matatapos mo ito. Sana ay makapa ng kuwentong ito ang iyong puso.
Maligayang Pasko muli sa iyo!
–– cold_deee ❤
12.01.2018
Chapter 1
(A/N: Maaari n’yo pong pakinggan ang nasa media habang nagbabasa nitong kuwento. Pwede n’yo rin itong pakinggan simula sa chapter na ito hanggang sa pinakahuling chapter nito.
Song Title: Sana Ngayong Pasko - By: Sarah Geronimo
)
JAM’S POV
“Sam-sam!!” bungad kong pagbati sa taong nasa screen ngayon ng laptop ko.
“Jam-jam!!” masaya rin niyang pagbati sa akin.
Gumuhit ang ngiti sa aking labi nang masilayan ko ang mukha ng taong pinakamamahal ko.
“Kamusta ang Jam-jam ko? Nagpakabait ka ba ngayon?” tanong niyang muli sa akin.
Hindi ko mapigilan ang tumawa. Hanggang ngayon ay ginagawa niya pa rin akong bata. Masyado niya akong bine-baby kaya siguro na-spoil ako sa kanya.
“Ayos lang. Lagi naman mabait ang Jam-jam mo, ah?! Ikaw? Nagpakabait ka ba riyan?” pangungumusta ko rin sa kanya pabalik.
Saglit siyang nag-isip bago muling nagsalita.
“Ako, nagpapakabait ako rito! Trabaho at bahay lang. Tapos heto, kakausapin ang pinakamamahal na boyfriend ko.” sagot niya at nagbitiw din siya ng matamis na ngiti.
Pinagmasdan kong mabuti si Sam. Ang gwapo-gwapo talaga ng boyfriend ko. Hindi ko maiwasang ngumiti tuwing nasisilayan ko siya at kakausapin sa umaga.
Nakita kong may kinuha siya mula sa isang tabi. Hindi ko maiwasan na muling matawa nang makita kong may hawak na naman siyang isang bowl ng potato chips.
“Sabi ko sa ’yo, Sam, ’wag kang masyadong matakaw sa junk foods, eh. Masama ’yan sa katawan.” pagsaway ko sa kanyang natatawa.
“Kain tayo, Jam! Manonood ako ng NBA ngayon dito sa apartment ko, eh.” pagyaya niya sa akin na tila hindi pinakinggan ang sinabi ko.
Matapos iyon ay umupo siya nang maayos sa sofa at nagpatuloy sa kanyang ginagawang panonood habang kumakain. Wala na siyang sinabi pang kahit na anong salita dahil nagsimula na rin ang game na pinapanood niya sa TV. Naririnig ko na rin kasi ito mula sa laptop na gamit ko. Kapag basketball na kasi ang nasa harap niya ay hindi ko na ito maaabala pa, wala nang pwedeng umistorbo sa kanya.
Habang nakatutok sa kanya ang camera ng laptop ay sinimulan ko na rin ang magkwento sa kabila ng pagiging abala nito.
“Papasok na ako ngayon sa trabaho, Sam. Tatlong araw rin akong nag-leave dahil ginawa ko na ang tradisyon natin tuwing nalalapit na ang Pasko. Naglagay na ako ng mga Christmas lights sa bakuran natin. Pati ’yong mga halaman nilagyan ko na rin.” unang bahagi ng pagbabalita ko.
Patuloy lang naman siyang nanonood ng basketball. Paminsan-minsan ay titingin siya sa camera at ngingiti, o kaya naman ay kikindatan ako. Ipinagpatuloy ko ang pagkukuwento ng mga naganap sa akin nitong mga nagdaang araw habang malayo kami sa isa’t isa.
“Pero hindi ko pa nasusubukang buksan ang Christmas lights, Sam. Mamayang gabi ko na lang gagawin ’yon,” pagpapatuloy ko sa mahinahong tono. “At sana… sana, magpatay-sindi na ’yon ngayon. ’Di ba, ’yon naman ang gusto mo? Ang patay-sindi ang mga ilaw kesa sa steady lang?” dugtong ko pang pagtatanong gamit ang mahinang boses ko.
Hindi naman siya sumagot, nanatili ang kanyang mga mata sa kanyang pinapanood. Patuloy lang din siya sa pagkain ng paborito niyang potato chips.
May ilang minuto pang katahimikan ang naganap hanggang sa bigla siyang mapasigaw at napasuntok pa sa ere.
“Yown! Three points si Lebron!” sigaw niya at tiningnan ako sa camera.
Wala naman akong nagawa kundi ang matawa dahil sa reaksyong nakita ko mula sa kanya.
“Jam-jam! Naka-three points si James!” tuwang-tuwa niyang pagbabalita sa akin.
“Oo na! Oo na! Siya na ang magaling!” sagot ko naman sa kanya habang natatawa.
Ilang sandali pa ay muli siyang umayos ng pagkakaupo. Nakangiti pa rin siyang humarap sa camera para makausap pa rin ako.
“Jam-jam, manonood muna ako, ha? Finals na kasi, eh. Baka may ma-miss akong moves ni idol?!” pagpapaalam na niya.
“Sige. Enjoy lang, Sam-sam. Papasok na rin naman ako sa trabaho, eh.” sagot ko lang na tumatango sa kanya.
“Ingat ka pagpasok sa work, ha?” unang bahagi ng pamamaalam niya.
Tumango-tango naman ako habang nakangiti bilang pagtugon.
“Ba-bye na muna, Jam. I love you!” huling bahagi ng pagpapaalam niya ngayon.
Huminga ako nang malalim bago nagawang sumagot.
“I love you too, Sam…” sagot kong mahina.
Matapos iyon ay agad ko ring tiniklop ang aking laptop. Mabigat ang aking dibdib dahil natapos na naman ang aming pag-uusap.
Tiningnan ko ang oras sa wallclock dito sa aming kwarto. Oras na pala para umalis na ako at pumasok sa trabaho.
Tatlong taon.
Tatlong taon na ganito ang buhay ko.
Gigising sa umaga, maliligo, magluluto, kakain, magbibihis at kakausapin si Sam bago pumasok sa trabaho.
Si Sam ang long time partner ko. Ang taong hindi kailanman pinaramdam sa akin na nag-iisa ako.
Si Sam na tatlong taon ko nang hindi nakikita nang personal, hindi nayayakap at hindi nahahalikan.
Si Sam na mahal na mahal ko.
At si Sam…
…si Sam na mahal na mahal din ako.
Nang masigurong naka-lock na ang bahay na inuupahan ko ay mabilis na rin akong umalis. Nadaanan ko pa ang maliit na garden namin ni Sam dito sa aming bakuran bago ako tuluyang makalabas ng aming gate.
Napangiti ako dahil sa wakas ay natapos ko na rin ang paglalagay ng mga Christmas lights dito. Siniguro ko kasing bawat halaman dito, maliit man o malaki ay malalagyan ko ng Christmas lights. Ito kasi ang gustong-gusto ni Sam tuwing sasapit ang Pasko — ang makita ang patay-sinding ilaw nito.
Nang tuluyan akong makalabas ng aming gate ay isinuot ko na ang aking maskara. Tinanggal ko ang aking pagkakangiti na kay Sam ko lang ipinapakita.
Isa’t kalahating oras ang kailangan kong gugulin sa biyahe para makarating sa aking pinapasukan. Sa isang kompanya ng isa sa pinakamalaki at kilalang salon dito sa Pilipinas ako nagtatrabaho bilang isang Graphic Designer. Ako ang namamahala sa designs and layouts ng bawat promotion na inilalabas ng kompanya.
Matapos ang may kahabaang byahe ay dire-diretso akong nagtungo sa Marketing Department. Dito ang aming opisina at iilan lang din kaming staff ng department na ito. Funny thing, pero lahat sila ay puro babae at nag-iisang pusong babae lang ako.
Pagpasok ko ay diretso lamang ako sa table kung saan ako nakapwesto. Walang pagbati akong ibinigay sa aking mga kasama dahil alam naman nilang hindi ko rin ugali ang salubungin sila ng ngiti. Kaya heto sila, nasanay na rin na titingnan lamang ako at babalik na rin sa mga ginagawa nito.
Hindi naman ako galit sa kanila at alam kong hindi rin sila galit sa akin. Sadyang hindi lang ako ang tipo ng taong babatiin sila sa umaga nang buong ningning. Laking pasasalamat ko na lang din dahil hindi sila apektado sa ugali kong ito. Hindi naman kasi namin ugali ang bantayan ang kilos ng bawat isa. Kaya nga rin siguro ako tumagal dito dahil wala kaming pakialam sa isa’t isa basta’t nagagawa namin nang maayos ang aming mga trabaho.
Akmang uupo na ako sa aking silya para simulang magtrabaho ay napansin kong may naging pagbabago. Nagbago ang set up ng aking mesa ganoon din ang mga gamit kong nasa ibabaw nito.
“Sh*t!” sambit kong mahina dahil sa labis na inis.
All rights reserved.
cold_deee
12.01.2018
Facebook: Cold Deeë
Chapter 2
JAM’S POV
“Sh*t!” sambit kong mahina dahil sa labis na inis.
Kasunod din naman ng tagpong iyon ay narinig ko ang muling pagbukas ng pintuan sa opisinang ito.
“Oh?! Hi, Jam! Good morning! Welcome back! How’s your vacation?” bati ng babaeng kapapasok lamang dito sa aming department.
Nilingon ko siya habang salubong ang aking mga kilay. Ang nag-iisang kaibigan ko pala ang pumasok. Ang matiyagang tao na hindi napapagod sa kabila ng aking pagsusungit at pagsimangot.
“Steff, anong nangyari sa mga gamit ko? Saka bakit may mesa na rin sa tapat ng mesa ko?” tanong ko agad sa kanya.
“Oh! What a great way to response, Jam?!” sarkastiko niyang reaksyon habang nakataas ang kanyang isang kilay.
“Kilala mo na ako, Steff. Sagutin mo na lang kasi ang tanong ko!” sagot ko naman sa naiinis na tono.
Ang aga-aga naman uminit ng ulo ko! Kararating ko lang pero ganito na agad ang maaabutan ko!
Inikutan niya lamang ako ng mga mata at hindi ako sinagot. Agad niyang ibinaling ang kanyang atensiyon sa kanang bahagi ng kinatatayuan nito. Doon ko lamang napansin na may kasama pala siyang pumasok na lalaki at hindi pamilyar sa akin ang mukha nito.
Pinagmasdan kong mabuti ang lalaki. Matangkad ito at medyo maputi, mas maputi nga lang ako sa kanya nang kaunti. Sabi nga ng iba ay kutis babae raw ako. Pero hindi na mahalaga iyon sa ngayon. Ang gusto kong malaman ay kung anong papel nito at naririto siya sa opisinang ito.
May bitbit ang lalaking iyon na monitor ng computer. Maintenance ba siya ng kompanya? Pero nakakapagtaka naman dahil naka-corporate attire din siya?
“Halika, sundan mo ako. Ituturo ko sa ’yo ang table mo.” pakikipag-usap ni Steff sa lalaki.
Pinanood ko lamang sila habang naglalakad, ngunit nangunot ang aking noo nang tumigil sila sa tapat ng table ko.
“Dito. Dito mo ilagay ang mga gamit mo.” utos ni Steff sa lalaking kanyang kasama habang tinuturo ang mesang nasa tapat din mismo ng mesa ko.
“Salamat.” sagot naman ng lalaki at inilapag na ang monitor sa table.
Dahil sa aking nasaksihan ay hindi ko napigilang putulin ang kanilang pag-uusap.
“Wait,” pagputol ko sa kanila habang nakamwestra pa ang aking isang kamay. “Steff, what’s the meaning of this?” sunod ko pang pagtatanong sa kanya.
Hindi agad sumagot si Steff. Humalukipkip muna ito at tiningnan ako habang suot ang kanyang pagkakangisi.
“Hindi pa ba obvious, Jam? Dito na ang table ng bagong empleyado. Ang empleyadong makakasama mo bilang Graphic Designer. In other words, starting today, dalawa na kayong Graphic Designer sa kompanyang ito.” sagot niyang mahaba at nakataas na rin ang kanyang isa kilay.
“What?!” hindi makapaniwalang reaksyon ko.
Minsan ay may pagkamaldita rin ang babaeng ’to, e. Pasalamat siya at pinsan siya ni Sam kaya hindi ko sa kanya magawang makipagbangayan.
“You heard it, Jam. Partners na kayo. At dito! Dito mismo sa tapat ng table mo ang magiging table ng bagong empleyado.” sagot niyang may diin habang tinuturo ang mesang nasa aming harapan.
Hindi ako nakasagot dahil sa pinaghalong pagkabigla at inis. Hindi ako makapaniwala na ngayon pa sila tumanggap ng bagong empleyado. Kalagitnaan na ng November at ngayon pa talaga nila naisipang gawin iyon? Sana ay noong panahon pa na halos patayin ko ang aking sarili sa overtime para lang magawa ang layouts na ilalabas bago ang Christmas season!
Hindi ko alam kung ano na naman ang tumatakbo sa isip ngayon ni Steff. Masyado kasing maraming laro ang babaeng ito. Isa rin siguro iyon sa dahilan kung bakit ito madaling na-promote bilang Assistant Manager dito sa aming departamento. Masyadong creative na hindi mo na minsan maintindihan.
Nagpamalas si Steff ng malapad na ngiti bago niya ako binalingang muli.
“Jam, please meet the new member of our team. Ang gwapo, ’di ba? Mukhang may tinatago ring anim na pandesal sa ilalim ng polo niya. His name is Kim.” pagpapakilala niya sa lalaki.
Tiningnan ko ang lalaki at nasaksihan ko kung paano siya nagbitiw ng wagas na ngiti. Hindi ko alam kung natuwa ba siya sa papuring ibinigay ni Steff para gawin niya iyon, pero dahil natural na sa akin ang magsuplado ay hindi ako nagbigay ng kahit na anong reaksyon. Nanatiling salubong lamang ang mga kilay ko na tila naghahamon.
Matapos ang ilang segundo ay hinarap naman ni Steff ang lalaki.
“And, Kim, please meet this guy na ubod ng sungit. Baby face, maputi, may lean body na gustong-gusto ng mga highschool students. Misteryoso naman na gustong-gusto ng college girls,” unang bahagi ng pagpapakilala sa akin ni Steff. “His name is Jam. Ang gwapo-gwapo rin, ’di ba? Pero ’wag ka! Gwapo rin ang hanap niya!” pagpapatuloy pa nito sa nagmamalaking tono.
Sanay na ako sa mga ganitong pagpapakilala sa akin ni Steff. Hindi naman sa akin big deal iyon dahil alam kong kahit ganito siya sa akin ay itinuturing niya na rin akong kapamilya. Pero sa tuwing ginagawa niya ito sa akin, hindi ko maikakailang gusto ko rin siyang bigwasan! Kulang na lang kasi ay isigaw ang pagkabakla ko!
Ang inaasahan ko ay magugulat ang lalaki dahil sa mga sinabi ni Steff, pero nang tingnan ko ang kanyang reaksyon ay mas lumapad lang ang pagkakangiti niya ngayon.
“Hi, Jam! I’m Kim. Nice to meet you.” magiliw niyang pagbati at inilahad pa ang kanyang isang kamay.
Sa halip na tugunan ang maganda niyang pagbati ay itinaas ko pa ang aking isang kilay.
“Narinig ko!” madiin kong tugon. “At hindi naman ako bingi kaya hindi mo na kailangan pang ulitin ang pagpapakilala mo!” dugtong ko pa at hindi inabot ang nakalahad na kamay nito. Mabilis din akong umupo nang padabog sa aking silya para tapusin na ang pag-uusap naming tatlo.
“See, Kim? I told yah! Ang sungit niya, ’di ba?” dinig kong reaksyon ni Steff na ang tinutukoy ay walang iba kundi ako.
Wala namang naisagot ang lalaki kundi ang mahinang pagtawa lang nito. Hindi ko na lamang sila pinansin dahil wala rin naman akong magagawa. Inisip ko rin kasi na kung susuwayin ko si Steff sa kanyang ginawa, baka makarating pa ito sa aming boss. Ayaw ko ng issues. Higit sa lahat, ayaw kong nagpapaliwanag sa harap ng ibang tao. Pakiramdam ko ay magsasayang lang ako ng lakas at laway. Alam ko naman kasing sa huli ay mababalewala lang ang mga paliwanag ko. Sa huli ay rejection lang din ang makukuha ko.
Nagsimula na akong magtrabaho. Ganito naman ako simula nang pumasok ako sa kompanyang ito apat na taon na rin ang nakalilipas. Wala akong pakialam sa paligid at wala akong panahong makipag-usap nang matagal.
Habang nasa harap ako ng computer ay nakasuot ako ng earphones dahil pinakikinggan ko ang mga kantang paborito namin ng boyfriend kong si Sam. Maayos na sana ang lahat pero mukhang sa pagkakataong ito ay mawawala ang aking konsentrasyon dahil sa lalaking nasa tapat ko ngayon.
Habang abala ako sa aking pagtatrabaho ay nakikita ko ang lalaking bagong pasok sa aming kompanya na tila sinisilip ako mula sa gilid ng computer. Ginagawa niya iyon habang sine-set up din ang gagamitin niya namang computer. Isinawalang-bahala ko na lamang noong una at inisip kong baka nagkataon lang din naman iyon.
Ilang sandali pa ay natapos siya sa kanyang pagse-set up. Gumagana na ang kanyang computer na nakapwesto rin mismo sa likod ng gamit kong computer. Pero ang nakakapagtaka ay hanggang ngayon, silip pa rin nang silip ang lalake sa akin na parang nakikipaglaro ng taguan.
Dahil sa inis ay padabog kong tinanggal ang aking earphones mula sa aking tainga at kinompronta siya.
“Problema mo?! May kailangan ka ba?!” hindi ko na napigilang mapasigaw nang bahagya dahil sa inis ko sa kanya.
All rights reserved.
cold_deee
12.02.2018
Facebook : Cold
Deeë
Chapter 3
JAM’S POV
“Problema mo?! May kailangan ka ba?!” hindi ko na napigilang mapasigaw nang bahagya dahil sa inis ko sa kanya. Nakakailang na kasi ang ginagawa niyang pagsilip. Nakakainis din dahil ang set up ng aming table ay magkaharap kami.
Nagkamot siya ng batok at nakita kong namula siya nang bahagya. Mukhang nakaramdam ng hiya.
“A-ahm… I-itatanong ko lang sana kung may hard copies ka ng mga layouts na nagawa mo for the past few months?” tanong niyang nauutal.
Hindi na ako sumagot sa kanya. Mabilis kong kinuha ang mga folder mula sa aking drawer at padabog na inilagay iyon sa ibabaw ng kanyang mesa.
“S-salamat.” nauutal niya pa ring sambit saka kinuha ang folders na iyon.
Matapos iyon ay muli kong ibinalik ang aking sarili sa aking ginagawa. Wala akong panahon na makipag-usap sa kahit na kanino. Hindi ko rin naman panghihinayangan kung walang gustong makipag-usap sa akin o makipagkaibigan. Sanay na akong nabubuhay sa sariling mundo ko lang — sa sariling mundo namin ni Sam.
Mabilis na lumipas ang oras at natapos din ang isang araw ng aking pagtatrabaho. Narinig ko na ang pagpapaalam ng aking mga kasama sa bawat isa. Ako naman ay inihahanda na rin ang mga gamit pauwi. Alam kong pahirapan sa mga oras na ito kaya kailangan kong magmadali. Makikipagsiksikan na naman ako sa bus dahil peak season na rin. Ganito naman tuwing malapit na ang Pasko, wala nang bago.
“Jam, mauuna na ako, ha? Mag-iingat ka sa pag-uwi.” pagpapaalam sa akin ni Steff.
Siya lang talaga ang nag-iisang tao rito na kaya akong kausapin nang normal sa kabila ng katahimikan at kasungitan ko.
Hindi ako nagsalita ngunit nagbigay ako ng pagtango bilang pagtugon. Ngumiti lang din naman siya pabalik at tuluyan nang lumabas sa opisina naming ito.
Kasabay kong naglakad palabas ng opisina ang bagong pasok na lalaki sa aming department, pero tulad kanina ay hindi ko siya kinausap hanggang sa magkasabay pa kaming nakalabas ng building.
“Gabi na naman… Madilim na ulit ang langit… Mabuti naman…” mahina kong sambit habang nag-aabang ng masasakyang jeep.
Tulad ng inaasahan ay nag-uunahan ang mga pasahero para sa pagsakay nang dumating ang jeep. Mabuti na lamang at sa mismong tapat ko tumigil ang sasakyan kaya sa tabi rin ako ng driver nakaupo.
Ang akala ko ay sinuwerte na ako dahil ako lang ang tanging pasahero dito sa harap, ngunit laking gulat ko nang biglang tumabi sa akin ang lalaking bagong pasok sa aming opisina.
Nang lingunin ko siya ay binigyan lamang niya ako ng isang ngiti tulad ng ginagawa niya kanina sa opisina.
Hindi ba siya napapagod ngumiti?
Sa halip na pansinin ko pa siya ay muli akong yumuko at kinuha ang aking earphones sa mula sa aking bag. Mabilis ko ring inilagay iyon sa aking tenga upang makinig ng musika.
Habang nasa biyahe ay napapansin kong sinusulyapan ako ng bago kong katrabaho mula sa side mirror nitong jeep, pero tulad ng inaasahan ay hindi ko pa rin siya pinansin. Nanatili lang akong sa harap nakatingin.
“Para po.”
“Sa tabi lang.”
Sabay naming sambit ng lalaki sa aking tabi nang marating ang lugar kung saan naman ako sasakay ng bus.
Bahagya akong nasorpresa ngunit hindi ako nagpakita ng pagkabahala. Nauna pa siyang bumaba na sinundan ko naman.
Tanging sa gawi kung saan manggagaling ang bus na aking sasakyan nakatuon ang aking mga mata. Nang masilayan ko na ang paparating na bus na iyon ay inihanda ko na ang aking sarili sa muling pakikipagsiksikan.
Mabuti na lamang at hindi ako ang tipo ng bakla na lalampa-lampa, dahil kung hindi ay baka abutin pa ako rito ng umaga.
Tulad pa rin ng inaasahan ay tatayo ako sa bus dahil wala nang bakanteng upuan. Ngunit nang makahanap ako ng tamang pwesto para makatayo ay nangunot ang aking noo dahil sa taong nakatayo rin ngayon malapit sa tapat ko.
Nandito na naman siya! Kasabay ko na naman ang bagong empleyado sa aming kompanya!
Tulad kanina ay binigyan niya na naman ako ng wagas na ngiti nang magtagpo ang aming mga mata. Gusto ko na sa kanyang itanong kung nang-aasar ba siya? Dahil bukod sa sinasabayan niya ako ay panay lang ang ngiti niya.
Pero dahil sa mahusay talaga akong makitungo sa tao ay inikutan ko lamang siya ng mata. Wala naman kasing nakakatuwang bagay na nangyayari pero panay ang ngiti niya. Nakakairita.
Dahil din sa inis ay tinalikuran ko siya. Wala akong balak makipagtitigan at makipagngitian sa kanya hanggang sa ako ay makababa.
Nang tuluyang marating ang lugar kung saan ako dapat na bumaba ay naging mabilis ako sa naging pagkilos ko. Nilampasan ko ang bagong empleyado at nagpanggap akong hindi kami magkakilala nito.
Isang sakay sa tricycle na lang ang kailangan kong gawin upang marating ang subdivision kung saan ako umuuwi. Napansin kong sa bandang likod na lang ng driver ang kulang na pasahero bago umalis ito. Hindi ako sumasakay ng special o solo dahil may kamahalan ang singil kaya mukhang maghihintay pa kami ng isa pang pasahero.
Pero nang tuluyan akong makasakay sa tricycle ay halos maibuka ko na ang aking bibig dahil sa labis na pagkasopresa. Muli ko na naman kasing nakasabay ang bagong empleyado sa kompanyang aking pinapasukan.
Halo-halo na ang nararamdaman ko. Nagtataka at kinakabahan na ako. Hindi ko maiwasang isipin na masama siyang tao at may balak na masama dahil tila ba sinusundan ako nito. Pero kung susuriin naman siyang mabuti ay mukhang malayo naman iyong mangyari. Pormal naman siya at napakadisente.
Sa halip na magpakitang apektado ay isang malalim na buntong-hininga na lang ang pinakawalan ko. Ginawa ko rin iyon para pakalmahin ang sarili ko. Inisip ko na lamang na baka may pupuntahan lamang siya sa lugar na ito. Kinumbinsi ko na lamang din ang aking sarili na baka nagkataon lang na malapit din ang tinitirahan nito rito.
“Para!”
“Manong, sa tabi lang.”
Sabay na naman naming sambit ng aking katabi.
Kinakabahan na talaga ako dahil maging dito sa lugar kung saan ako eksaktong nakatira ay nakasabay ko na naman siya.
Mabilis kong kinuha ang barya mula sa aking bulsa at iniabot iyon sa driver. Kasunod nito ay mabilis na rin akong humakbang papalayo mula sa aming pwesto. Mabuti na lang din pala at nakasanayan ko na ang maghanda ng eksaktong pamasahe tuwing lumalabas ng trabaho.
Bago makarating sa inuupahan kong bahay ay kailangan ko pang maglakad. Ilang metro rin iyon dahil sa kanto lang ng aming street maaaring magbaba ang tricycle driver ng pasahero.
Habang naglalakad ako ay lalong bumibilis ang pagkabog ng aking dibdib dahil sa kaba. Nakikita ko kasi sa aking tabi ang anino ng lalaking nakakasabay ko simula pa kanina.
Kaunti na lang at mararating ko na ang aking bahay kaya mas nakakaramdam na ako ng takot. Iniisip ko na ngayon na baka nga may balak siyang holdapin o pagnakawan ako nito.
Dahil sa hindi na talaga ako makapagpigil ay huminto ako at mabilis na hinarap ang lalaki habang nanlilisik ang mga mata ko. Nakita kong nagulat pa ito at napahinto rin mula sa paglalakad nito.
“Sinusundan mo ba akong impakto ka?!” may kalakasan kong pagkompronta sa kanya.
All rights reserved.
cold_deee
12.03.2018
Chapter 4
JAM’S POV
“Sinusundan mo ba akong impakto ka?!” may kalakasan kong pagkompronta sa kanya.
Aaminin ko, kinakabahan ako ngunit sinikap kong ipakita na hindi ako natatakot sa kanya.
Mula sa pagkagulat ay nasaksihan ko kung paano nangunot ang kanyang noo.
“H-ha?! H-hindi, ah!” mabilis niyang dipensa at nauutal pa.
Sinasabi ko na nga ba! May balak ’tong masama! Kinakabahan na siya ngayon, e!
“Anong hindi?! Simula nang lumabas tayo ng opisina hanggang dito sa lugar kung saan ako umuuwi, nakasunod ka! Tapos sasabihin mong hindi mo ako sinusundan?! Nakikipaggaguhan ka ba?!” sigaw ko na sa kanya at dinuro ko na rin siya.
“T-totoo naman ang sinasabi ko! Hindi talaga kita sinusundan!” kinakabahan niya pa ring sagot.
Akmang sisigawan ko na naman siya nang matigilan ako dahil nakarinig din ako ng pagsasalita mula sa likuran ko.
“Apo, nariyan ka na pala?” pagsingit ng isang matanda.
Nang lingunin ko ang taong iyon ay si Lola Tasing pala. Siya ang namamahala ng mga paupahan sa aming lugar kabilang na ang aking inuupahan. At sa pagkakaalam ko, isa sa mga anak niya ang nagmamay-ari ng mga paupahang ito.
“Lola!” ang biglang sambit naman ng lalaking kanina lang ay kinompronta ko. Kasunod nito ay mabilis din siyang humakbang at nilampasan ako. At nang makalapit siya sa matanda ay mabilis niya pa iyong hinalikan sa noo.
“Gabi na po, Lola. Bakit nasa labas pa po kayo?” tanong ng lalaki sa matanda. Akbay na rin niya ito ngayon habang kinakausap.
“May binili lang ako riyan sa kanto.” nakangiti namang sagot sa kanya ni Lola Tasing.
Mabilis na rumehistro sa akin ang pagtataka.
Magkakilala ba sila?
Tiningnan ako ni Lola Tasing at binigyan din ako ng isang matamis na ngiti.
“Hijo, ikaw pala ’yan? Magkasabay ba kayong umuwi nitong apo ko?” tanong niya sa akin.
Napalunok naman ako bago nagawang sumagot.
“A-apo n’yo po?” nauutal kong tanong pabalik kay Lola Tasing habang tinuturo ang lalaki.
Hindi nakasagot ang matanda dahil mabilis din na sumagot ang lalaking pinagkamalan kong kriminal.
“Oo. Apo niya ako at Lola ko naman siya.” nakangiti at may pagmamalaking pagkumpirma ng impakto.
Hindi ako nakapagsalita dahil sa pagkabigla. Hindi ko rin maikakaila na nakaramdam ako ng hiya dahil sa aking pag-aakusa sa kanya.
Dahil sa hindi ako nakaimik ay nagkaroon pa ng pagkakataong magsalita ang loko. Itinuro muna nito ang bahay kung saan nakatira si Lola Tasing na nasa likurang bahagi ng kinatatayuan ko.
“Nakikita mo ba ang bahay na ’yan? Bahay ’yan ni Lola. At ’yang bahay na ’yan, diyan din ako nakatira.” may diin niya pang pagkumpirma.
Nilingon ko ang bahay na kanyang itinuturo habang namimilog ang mga mata ko.
“Diyan nakatira ang impakto?” wala sa sarili kong reaksyon.
“What?!” nabibigla ring tanong nito.
Doon lang ako natauhan kaya mabilis ko rin silang hinarap muli.
“W-wala.” pagmaang-maangan ko.
Matapos iyon ay muli kong nilingon si Lola Tasing. Kailangan ko nang makaalis dito bago pa madagdagan ang pag-uusap namin ng tinutukoy kong impakto.
“Sige po, Lola Tasing. Mauuna na po ako.” pagpapaalam ko sa matanda at bahagyang yumuko.
“Sige, Jam,” sagot naman ni Lola Tasing. “Ngayon mo na ba bubuksan ang Christmas lights mo? Nakita ko kasing abala ka sa pag-aayos no’n nitong mga nagdaang araw. Taon-taon mo rin ’yang ginagawa, ’di ba?” pahabol pa nitong pagtatanong.
Iniwas ko na ang aking tingin bago sagutin iyon.
“O-opo.” nauutal kong pagkumpirma kay Lola Tasing.
Hindi na nagsalita pang muli si Lola Tasing kaya naman iyon na rin ang ginamit kong pagkakataon para iwan sila.
Hindi ko akalaing dito rin pala nakatira ang impaktong ’yon. Hindi kasi siya pamilyar sa akin.
Napabuntong-hininga ako habang patuloy sa aking paglalakad. Naisip kong sino nga ba ang kakilala ko sa lugar na ito? Tanging si Lola Tasing lang dahil buwan-buwan ay pinupuntahan ako nito sa bahay para kunin ang bayad sa renta ko.
Nang marating ko ang aking bahay ay mabilis lang akong nag-shower at nagbihis. Naging mabilis din ako sa ginawa kong pagkain dahil nakakaramdam ako ng excitement sa pagpapailaw ng Christmas lights sa maliit naming garden ni Sam.
Nanginginig ang aking kamay habang hawak ang plug ng Christmas lights. Butil-butil na rin ang aking pawis dahil sa labis na kaba. Isang plug lang ang kailangan kong isaksak at inaasahan kong iilaw na ang lahat ng pinagdugtong-dugtong kong pailaw.
“Please..? Sana naman, magpatay-sindi ka na ngayong taon…” mahina kong pakiusap sa mga Christmas lights na wala pang ilaw.
Matapos iyon ay dahan-dahan ko nang isinaksak ang plug kahit pa nanginginig ang aking kamay. Napapikit pa ako kasabay ng pagdarasal nang tuluyan ko nang maipasok ang plug.
Nasaksihan ko kung paano nagliwanag ang kapaligiran. Naging matagumpay ang pagpapailaw ko sa mga ito habang sila ay nasa halamanan.
Pero, sa ikatlong taon na ginagawa ko ito ay nangyari na naman ang kinakatakot ko. Hindi na naman nagpatay-sindi ang ilaw ng mga Christmas lights na inaasahan ko.
Dahil sa labis na pagkadismaya ay naikuyom ko ang aking mga kamao at nagdikit pa ang mga ngipin ko.
“Ano bang problema mo?! Maayos naman kitang binili, ’di ba?! Pinakita pa sa akin ng nagbenta sa ’yo na patay-sindi ka noong nasa mall pa tayo! Bakit ngayon, steady ka na naman?! Bakit ayaw mong magpatay-sindi riyan?!!” ang tila nababaliw kong pakikipagtalo sa walang kamalay-malay na Christmas lights.
Sa sobrang galit na aking nararamdaman ay naibato ko ang electric tape na nasa kamay ko.
“Bwisit ka!!” gigil na gigil ko pang sigaw.
Tatlong taon.
Tatlong taon na lang na ganito ang nangyayari. Sa tuwing gagawin ko ang bagay na ito ay hindi pa nangyaring nagpatay-sindi ang mga Christmas lights na aking nabili.
Noong una ay nagtataka lang ako. Nagawa ko pang papalitan ito nang ilang beses at ibalik sa pinagbilhan ko. Pero sa tuwing ikakabit ko na ito sa aking bahay ay steady na naman ang ilaw nito, hindi na naman nagpapatay-sindi ang mga ilaw tulad ng inaasahan ko. Hindi nagaganap ang pagpapatay-sindi ng mga ilaw na gustong-gustong makita ni Sam.
Nasa ganoon akong tagpo nang makarinig ako ng mahihinang pagtawa mula sa ’di kalayuan.
“Pati ba naman ang walang kalaban-laban na Christmas lights, sinusungitan mo?!” natatawang pagkausap sa akin ng taong ngayon ay nasa labas ng gate ng bahay ko.
Nang lingunin ko ito ay ang impakto pala. Galit pa rin ako kaya sa halip na sagutin ko siya ay mabilis akong tumalikod at pumasok ng aking bahay na sinundan pa ng pagsara ko sa pintuan nang padabog.
“Sabay tayong pumasok bukas, ha?!” nadinig ko pang sigaw ng impakto mula sa labas ng bahay ko.
Mabilis kong inihakbang ang aking mga paa patungo sa aking kwarto dala ang halo-halong emosyon ko. Agad ko ring kinuha ang aking laptop para kausapin si Sam bago matapos ang araw na ito.
“Jam-jam!!” masayang bati na naman ni Sam.
“Sam-sam….” malungkot ko namang pagtawag sa kanya.
“Kamusta ka ngayong araw? Nagluluto ngayon ng breakfast ang Sam-sam mo. Siguro ikaw, matutulog na ngayon, ’no? Diyan ka lang, please? Panoorin mo muna ako habang nagluluto, ha? Mayamaya ka na matulog.” utos niya sa aking nakangiti.
Habang nakatutok sa kanya ang camera ay nakita kong nagpunta siya sa kanyang kusina at ipinagpatuloy ang kanyang pagluluto. Malayo siya sa camera kaya kitang-kita ko ang kabuuan niya.
“Sam… I’m sorry…. S-sorry….” paulit-ulit at malungkot kong paghingi ng tawad sa kanya.
Ilang beses ko pang binigkas ang mga salitang iyon hanggang sa maramdaman ko ang pagdaloy ng mga luha ko.
“I’m sorry, Sam… H-hindi na naman nagpatay-sindi ang mga ilaw ng Christmas lights tulad ng gustong-gusto mong makita…” nahihirapan kong pagsasalita sa pagitan ng aking pag-iyak.
Patuloy lang si Sam sa kanyang pagluluto kaya nagpatuloy lang din ako sa pagkukuwento.
“Sana, Sam… S-sana, nandito ka… Baka kasi sakaling magpatay-sindi na ang mga ilaw kung nandito ka, eh… Sana, magpakita ka na sa akin… Kahit saglit lang naman, oh… Kahit ilang segundo ka lang dito… Miss na miss na rin kasi kita…” pakiusap ko na ngayon sa kanya.
Hindi niya ako magawang lingunin dahil patuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa.
“Hanggang kelan mo ba ako hahayaang mag-isa…? Hanggang kailan, Sam…? Kasi… kasi… nakakapagod na rin, eh… Pagod na akong mag-isa, Sam….” dagdag ko pa at mas lumakas na ang aking pag-iyak.
Naitakip ko na rin ang aking braso sa aking mga mata dahil sa labis na pag-iyak. Hinihintay ko na lang na sagutin ako ni Sam dahil hindi ko na kaya pang magsalita.
“Malapit na, Jam! Malapit na!” masaya niyang pagsasalita gamit ang masiglang boses niya.
Matapos iyon ay indi ko na itinuloy pa ang aming pag-uusap. Nahihirapan na rin ako kaya mabilis ko na ring itiniklop muli ang aking laptop.
Nagpatuloy pa ako sa pag-iyak na ang tanging karamay ay ang unan na paborito ng mahal ko. Ito lang ang magagawa ko dahil hindi masukat ang aming layo.
Tatlong taon.
Tatlong taon na ganito lang ako.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.04.2018
Facebook: Cold Deeë
Chapter 5
JAM’S POV
Panibagong araw.
Balik na naman ako sa paulit-ulit na pangyayari sa buhay ko.
Matapos kong makipag-usap kay Sam ay naghanda na rin akong pumasok sa trabaho.
Tulad ng aking nakasanayan ay diretso lang ang aking mga mata sa kalsadang aking dinadaanan. Tahimik na sana ako mula sa sarili kong mundo habang naglalakad upang mag-abang ng tricycle na masasakyan. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, nakaramdam ako ng panlalamig sa buong katawan nang may marinig akong pagtawag sa aking pangalan.
“Jam-jam!!” sigaw mula sa aking likuran.
Natigilan ako habang nanlalaki ang mga mata dahil sa paraan ng pagtawag na iyon sa aking pangalan.
“Sam…” bulong ko habang nakatulala.
Dahan-dahan ako sa paglingon kung saan nanggaling ang boses na iyon dala ang labis na kaba.
“Grabe! Ang bilis mo naman maglakad?! Kanina pa kita tinatawag, ah?! Akala ko, hindi na kita maaabutan!” reklamo ng lalaking nasa harap ko habang hinihingal. Mukhang katatapos niya lang tumakbo para marating ang aking pwesto.
Nakaramdam ako ng panghihina dahil sa pagkadismaya. Ang buong akala ko ay si Sam na ang tumawag sa aking pangalan at handa na ako nitong makita.
“Uy! Okay ka lang? Bakit nakatulala ka?” tanong sa akin ng impakto.
Tila ba doon lamang ako nagising sa isang panaginip kaya doon ko lang din nagawang makapagsalita.
“B-bakit?” wala sa sarili kong tanong sa kanya.
“Anong bakit? ’Di ba, sabi ko sa ’yo kagabi sabay tayong pumasok? Nakalimutan mo na ba?” tanong nito sa akin pabalik.
Ang kanina kong pagkabigla ay napalitan ng pagsimangot. Hindi ko sinagot ang lalaking nagsimula na namang ipamalas ang wagas na ngiti nito. Mabilis ko na rin siyang tinalikuran at ipinagpatuloy ang paglalakad ko.
“Hay, grabe! Ang suplado talaga!” dinig kong bulong niya habang sinusundan ako.
Bumiyahe kami nang walang namamagitang usapan sa aming dalawa. Suot ko pa rin ang aking earphones at siya naman ay walang pagod sa pagngiti tuwing magtatagpo ang aming mata.
“Baliw.” bulong ko at inirapan siya.
Wala na akong pakialam kung narinig niya iyon. Mas mabuti pa nga iyon para matigil na rin siya sa kanyang ginagawa.
Nang makarating kami sa opisina ay nagsimula na rin kaming magtrabaho. Naging abala ang lahat dahil sa sunod-sunod na demands mula sa aming mga suppliers at clients.
“Guys, mag-lunch muna tayo. Sumakit ang ulo ko sa dami ng ginawa natin ngayon!” reklamo ni Steff nang sumapit ang lunch break.
Lahat sila ay tumayo na at naghanda para lumabas. Pero ako, nanatiling nakaupo sa aking silya at tutok na tutok lamang sa computer ko.
“Huy! Hindi ka ba kakain? Halika na! Nagugutom na ako, eh!” ang biglang pagkausap sa akin ng impakto.
Sa hindi ko malamang dahilan, nagawa kong sagutin ang kanyang katanungan.
“Hindi ako kakain.” tipid kong sagot ngunit hindi ko siya tiningnan. Nanatili akong nakatutok sa computer na nasa aking harapan.
“Ha?! Eh, kahapon hindi ka rin kumain, ah?!” nagugulat niyang reaksyon.
Natigilan ako sa aking ginagawa at nakakunot ang noo kong nilingon ito. Gusto ko sana siyang tanungin kung binabantayan niya ba ang kilos ko? Pero bago pa iyon mangyari ay sumingit na si Steff na malapit lang sa aming pwesto.
“Kim, hindi talaga ’yan sa amin sumasabay kumain. Hindi siya nagla-lunch at nagkukulong lang dito hanggang matapos ang araw. Masanay ka na dahil kami, sanay na sa kanya.” pagsasalita ni Steff na ang tinutukoy ay ako.
“Oo nga, Papa Kim! Halika na! Nagugutom na rin kami, eh!” segunda naman ng isa naming kasama rito sa opisina.
“Sigurado kayo?” paniniguro naman ng impakto pabalik kina Steff at sa aming kasamahan.
“Uh-huh! Sa tinagal-tagal namin siyang kasama, never pang nangyari na nakasabay namin siya!”
“Paano siya nakakatagal nang gano’n?! Maghapon tayo rito, tapos walang laman ang sikmura niya?!” ang impakto na naman na nagawa pa akong ituro gamit ang daliri nito.
“Hindi rin namin alam! Baka kumakain siya nang patago? Baka may baon naman siya at ayaw niya lang ipaalam?”
Napapikit ako dahil sa labis na inis. Kung mag-usap-usap sila, parang wala ako rito! Harap-harapan akong pinagtsi-tsismisan ng mga ito!
“E, bawal ditong kumain, ’di ba? Buti at hindi siya sinisita ng maintenance?!” tanong pa rin ng impakto.
Dito na ako hindi nakatiis sa pqg-uusap ng mga ito.
“E, ano bang pakialam mo?! Kung nagugutom ka, kumain ka! At kung nagugutom man ako, problema ko na ’yon! Choice ko kung kakain ako o hindi! Gets mo?!” pagsusungit ko sa kanya habang nakataas pa ang isang kilay ko.
Lahat sila ay natigilan maliban kay Steff. Umalingawngaw rin ang tawa ng kaibigan kong ito sa buong kwarto.
“Guys, enough! Magkukuwentuhan na lang ba tayo?! Akala ko ba, gutom na kayo?!” natatawang pagsaway sa amin ni Steff. “And besides, tama si Jam. Hayaan na lang natin siya. Diskarte na niya kung paano siya makakakain, okay?!” dugtong pa nitong pagkumbinsi sa mga tsismosa.
Mukhang madali naman nilang nakuha ang sinabi ni Steff, kasunod kasi nito ay sabay-sabay na rin silang tumango tanda ng kanilang pagsang-ayon.
Nagsimula na silang magsilabas sa opisinang ito kaya nakaramdam ako ng kaginhawaan kahit paano. Nagbalik ako sa aking pagtatrabaho hanggang sa ako na lang ang matira rito.
Ang akala ko ay matatahimik na talaga ako, pero ilang segundo pa lang ang lumilipas mula nang makalabas ang lahat ay muling nagbukas ang pinto.
“Sigurado ka bang hindi ka sasabay, Jam-jam?!” biglang pagtatanong ng impakto habang nakasilip ito sa pinto.
Nagdikit ang mga ngipin ko dahil sa inis.
“Gusto mong batuhin kita?! Umalis ka na nga!” pagbabanta at pagtataboy ko sa kanya.
“Sorry, sorry!” sambit lang niyang natataranta. Kasunod nito ay mabilis din niyang isinara muli ang pinto.
Napailing na lang ako dahil sa pagkairita. Pinakalma ko rin ang aking sarili sa pamamagitan ng malalim na pagbuntong-hininga. Ngunit habang nasa kalagitnaan ako ng pagpapakalma, napatigil din ako dahil nagbukas na naman ang pintuang kasasara lang kanina.
“Oo nga pala, Jam-jam! Ang saya ko dahil kinausap mo na ako kanina! Kailangan pala, galitin lang kita?!” masayang pagbabalita ng impaktong nakasilip na naman ngayon sa pinto.
Wala na, tuluyan nang naubos ang aking pasensiya.
Hindi na ako nagsalita pa, agad kong kinuha ang unang bagay na nadampot ko mula sa aking mesa.
“Lumayas ka na!!” sigaw ko sa kanya at binato siya ng box ng tissue.
Matutuwa sana ako kung tinamaan siya, pero mabilis din niyang naisara ang pintuan kaya hindi iyon umabot sa kanya.
“Bwisit! Bwisit!” inis na inis kong sambit habang pinupukpok ang aking desk.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.05.2018
Chapter 6
JAM’S POV
Mabilis pa na lumipas ang araw at ganoon pa rin ang mga pangyayari. Paulit-ulit at walang pagbabago.
Mali pala.
May naging pagbabago dahil simula nang maging katrabaho ko ang kapitbahay kong impakto ay nag-iba na nakasanayan ko. Araw-araw ko na kasi itong nakakasabay sa pagpasok sa trabaho at ganoon din sa pag-uwi. Pero kahit ganoon ay hindi pa rin kami nagkakaroon ng pag-uusap dahil lagi akong may earphones sa tainga ko.
“Kim, let’s go! Kumain na muna tayo.” pagyaya sa kanya ni Steff nang sumapit ang lunch sa panibagong araw ng aming pagtatrabaho.
“Ah… Sorry, Ms. Steff… Hindi muna ako kakain. Busog pa naman ako.” malamyang sagot ng impakto.
“What?! Ilang araw ka nang hindi sumasabay sa amin, ah? Sigurado ka ba?” nagtatakang tanong ni Steff sa kanya.
Dahil sa narinig kong pag-uusap nila ay pasimple akong sinilip sa impakto mula sa gilid ng aking computer. Tumango lamang siya kay Steff habang may tipid na ngiti bilang sagot.
Ngayon ko lamang siya napagmasdan. Kahit ilang araw ko na siyang nakakasabay pumasok at umuwi ay ngayon ko lamang siya nagawang tingnan.
Napansin kong hindi siya gaya ng mga nagdaang araw na puno ng sigla. Naging tahimik din ito simula kaninang umaga na hindi normal sa kanya. Lagi kasi itong may hinihingi sa akin o tinatanong maging sa iba naming mga kasama.
Walang nagawa si Steff kundi ang hayaan siya. Nag-alok pa ang ilan naming kasama na kung may gusto siyang ipabili ay i-text na lamang daw sa kanila.
Naiwan kaming dalawa sa office ngunit naging napakatahimik. At kahit noong lumipas ang lunch ay hindi siya minsan nakipag-usap sa akin. Sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi rin ako nito sinilip sa gilid ng computer at nagbigay ng isang ngiti.
Lumipas pa ang mahabang oras ng aming pagtatrabaho ngunit ganoon pa rin. Nanatili siyang tahimik at napansin kong naging mabagal ang bawat kilos niya sa mga dapat na gawin.
Palabas na kami ng opisina at sinusundan ko siya sa kanyang paglalakad para mag-abang ng sasakyang jeep. May nagbago talaga sa kanya sa mga oras na ito. Para siyang may iniindang sakit na hindi ko matukoy kung ano.
Dumating pa ang oras para sumakay naman kami ng tricycle. Nauuna akong naglalakad sa kanya dahil mas naging mabagal pa siya sa bawat paghakbang niya.
“’Yung lalaki!”
“Hala?! Tulungan n’yo! Dali!”
“Anong nangyari?!”
’Yan ang mga narinig kong reaksyon ng mga nakakasalubong kong tao habang may tinuturo sila mula sa likuran ko. Nagkataon din na katatapos lamang ng kantang pinapakinggan ko sa aking cellphone kaya malaya kong naririnig ang mga reaksyong iyon.
Dahil din dito ay napalingon ako sa gawing likuran ko. At nang tuluyan kong makita ang senaryo ay halos manginig ang aking buong katawan dahil sa takot.
Ang impakto, ngayon ay walang malay at nakadapa sa semento.
“Lipas gutom. ’Yan ang naging dahilan kung bakit nagkaganyan ang kaibigan mo. At kung hindi niya iingatan ang kanyang sarili, baka mauwi ’yan sa ulcer? Mas malaking problema ’yon ’pag nagkataon.” paliwanag ng doktor na aking kausap.
Dahil sa naganap ay dinala ko siya sa pinakamalapit na ospital sa tulong na rin ng mga nakakita noong mawalan siya ng malay.
“Paano, hijo? Pagsabihan mo na lang ’yang kaibigan mo, ha? He’ll be fine dahil nabigyan ko naman na siya ng gamot. Pwede na rin siyang umuwi mamaya once na magising siya.” nakangiting pagpapaalam sa akin ng doktor.
“Salamat po.” mahina kong sagot sa kanya.
Nang tuluyang makalabas ng kwarto ang doktor ay unti-unti kong nilingon ang nahihimbing na impakto sa hospital bed. At habang pinagmamasdan siya, nagbalik din sa aking alaala ang pag-uusap nila ni Steff kanina.
Tama ang kaibigan kong iyon, ilang araw na ngang hindi sumasama ang lalaking ito sa panananghalian. Sa mga nakalipas na araw ay wala siyang ginawa kundi ang magtrabaho at kulitin ako. Tanong siya nang tanong kahit wala naman kaming gaanong proyekto. Pero sa mga nakalipas na araw ring iyon, kahit isang beses ay hindi ako tumugon sa pakikipag-usap nito.
Hindi ko alam kung gaano na ba katagal simula nang matitigan ko ang lalaking wala pa ring malay sa mga oras na ito. Napatigil lang iyon nang biglang bumukas ang pintuan nitong kwarto.
“Diyos ko! Anong nangyari sa apo ko?!” tanong ni Lola Tasing na bagong pasok. Mabilis niya ring nilapitan ang kanyang apo at hinaplos ang noo nito.
Naaawa ako sa matanda dahil mangiyak-ngiyak ito. Kitang-kita ang labis na pag-aalala nito.
“Jam, hijo, anong nangyari sa kanya?” pagtatanong na sa akin ni Lola Tasing.
Napalunok ako bago nakasagot dahil nakaramdam ako ng takot. Kinakabahan ako dahil pakiramdam ko ay may pananagutan ako.
“N-nalipasan daw po ng gutom, Lola.” sagot kong kinakabahan sa kanya.
Gumuhit ang inis sa mukha ni Lola Tasing matapos ko siyang sagutin. Pero sa kabila nito, bakas pa rin dito ang pag-aalala sa kanyang apo.
“Ito na nga ba ang sinasabi ko sa batang ito, eh! Tinapay lang ang laman ng sikmura ’pag papasok! Palibhasa ay hindi sanay kumain ng kanin sa umaga!” sermon ni Lola Tasing sa natutulog na apo.
Nang marinig ko iyon ay naibuka ko ang aking bibig dahil sa pagkabigla. Hindi ko inaasahang tinapay lang ang laman ng tiyan ng lalaking ito sa buong araw hanggang matapos ang aming pagtatrabaho.
Napapatanong ako ngayon kung paano niya natatagalan iyon? Dahil kung ang lalaking ito ay hindi sanay na kumain ng kanin sa agahan, kabaligtaran ko naman siya. Marami kasi akong nakakain sa agahan kaya kahit sumapit ang tanghalian ay hindi ako nakakaramdam ng gutom hanggang sa makalabas pa ako ng opisina.
Makalipas ang ilang minutong katahimikan ay muli akong nilingon ni Lola Tasing na hanggang ngayon ay nag-aalala pa rin.
“Jam, alam kong magkatrabaho kayo nitong apo ko kaya makikiusap na rin ako sa ’yo. Maaari mo ba siyang bantayan kung maayos ba siyang kumakain doon?” bigla nitong pakiusap. “Iyon lang naman ang pakiusap ko, Jam. Wala akong ibang mahihingian ng tulong sa bagay na iyon dahil ikaw lang naman ang kilala kong nakakasama niya.” dagdag pa nito.
Hindi ko maikakailang nagulat ako sa naging pakiusap ni Lola Tasing. Alam ko ring hindi ko iyon maitatago sa kanya dahil naibuka ko pa ang aking bibig habang nanlalaki ang aking mga mata.
May ilang segundo rin akong natahimik hanggang sa makasagot ako.
“S-sige po.” nauutal kong pagsagot sa pakiusap nito.
Gumuhit ang ngiti sa mukha ni Lola Tasing kaya bahagya akong nakahinga nang maluwag. Ayaw ko rin naman na mag-alala ang matanda dahil napakabait nito sa akin simula nang manirahan ako sa pinauupahan niya.
“Salamat, apo.” maluha-luhang sagot pabalik sa akin ni Lola Tasing.
Matapos ang ilan pang minuto ay hindi na rin ako nagtagal pa sa kwartong iyon. Nagpaalam na ako sa matanda para umuwi sa tinitirahan ko.
Nang makauwi ako ng bahay ay naging tulala ako. Hindi lang iyon, dahil sa kauna-unahang pagkakataon din ay hindi ko nagawang makipag-usap kay Sam bago magtapos ang araw ko.
Naging palaisipan sa akin ang naganap sa buong maghapon. At ang hindi ko pa maipaliwanag, kusa kong naramdaman na nagkaroon ako ng katiting na pag-aalala sa lalaking kailan ko pa lamang nakilala.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.06.2018
Chapter 7
JAM’S POV
Kinabukasan ay maaga akong umalis ng bahay. Nagawa ko naman humingi ng tawad kay Sam kung hindi ko siya nakausap kagabi. Mabuti na lang at kahit ganoon ang nangyari, sinalubong niya lamang ako ng ngiti.
Habang naglalakad para sumakay ng tricycle ay natigilan ako sa aking paglalakad.
“Jam-jam!” pagtawag sa aking pangalan.
Nagulat ako hindi dahil sa paraan ng pagtawag niya sa akin. Nagulat ako dahil ang buong akala ko ay mananatili lang ito sa bahay para magpagaling. Kahapon lang ay hinang-hina siya, pero heto siya ngayon at buhay na buhay na naman na parang hindi hinimatay kahapon dahil sa gutom niya.
“Tara na?” nakangiti nitong pagyaya sa akin nang tuluyan siyang makalapit.
Hindi na ako nagsalita bagama’t nagtataka pa rin ako hanggang ngayon. Gusto ko sana siyang tanungin kung papasok ba siya sa trabaho? Pero baka pagtawanan lang ako nito dahil obvious naman na ‘oo’ dahil nakabihis ito.
Nagpatuloy kami sa paglalakad na dalawa at sinimulan na naman niyang magkuwento sa paraang masigla.
“Pasensya ka na nga pala kahapon, ha? Naabala pa kita.” natatawa ngunit halatang nahihiya niyang panimula habang nagkakamot ng kanyang batok.
Tinanguan ko lang naman siya bilang sagot.
“Kung bakit naman kasi inatake ako ng migraine ko kahapon, eh! Ayan tuloy, nahilo ako!” sunod niya pang paninisi sa kanyang sarili.
Napataas ang isang kilay ko sa aking narinig.
Nagawa pa niyang magsinungaling ngayon?! Akala niya siguro ay hindi ko nakausap kahapon ang doktor?!
Pinili ko na lamang na sakyan ang kasinungalingan niyang iyon. Inunawa ko na lamang siya sa halip na makipagtalo. Nirespeto ko na lamang din ang kanyang gusto.
Naging maayos naman ang aming biyahe hanggang sa makarating kami sa aming opisina. Nakakapagtaka, pero sa kauna-unahang pagkakataon ng biyahe naming dalawa ay hindi ko naisuot ang earphones ko para makinig ng musika.
Kitang-kita ko ang pagbabalik ng kanyang sigla hanggang sa aming trabaho. Nagsimula na naman siyang makipag-usap sa akin kahit ‘oo’ at ‘hindi’ lang naman ang naisasagot ko. Nagbalik na rin ang mga pagsilip-silip niya sa akin sa gilid ng aming computer na dati ay kinaiinisan ko. Pero dahil yata sa lagi iyong nangyayari ay nakasanayan ko na rin ito.
“Kim, tara na. Lunch time na.” pagyaya sa kanya ng isa naming katrabaho nang sumapit ang tanghalian.
Pasimple ko siyang sinilip ko sa gilid ng computer para makita ang kanyang magiging reaksyon at kung ano ang kanyang itutugon.
“Sige, kayo na lang. Next time na lang ako. Busog pa naman ako, e.” nakangiti niyang pagtanggi sa paanyaya ng aming katrabaho.
Nang marinig ko iyon ay mabilis akong tumayo mula sa aking pagkakaupo. Napansin kong pinagmamasdan niya ako habang kinukuha ang aking wallet mula sa bag ko.
“Saan ka pupunta?” tanong niya sa aking puno ng pagtataka.
“Magla-lunch. Sasabay ako kina Steff.” sagot kong seryoso sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya. Kung hindi lang ako sanay na sumimangot, baka natawa na ako sa kanyang naging reaksyon.
“Sama ako!” malakas niyang paanyaya sa kanyang sarili.
“Akala ko ba busog ka pang impakto ka?” nakataas ang isang kilay kong pagtatanong.
Hindi ko sinasadyang matawag siyang impakto sa harap ng aming mga katrabaho. Tinatawag ko lang naman siyang gano’n tuwing dalawa lamang kaming magkasama o kung minsan ay sa isip ko. Pero kahit ganoon, mukhang hindi naman siya apektado dahil tila ba walang pakialam ito.
“Ha?! Sinabi ko ba ’yon?!” pagmamaang-maangan niya sa sinabi ko.
Muli, nang makita ko ang kanyang reaskyon ay parang gusto kong matawa. Para kasi siyang bata. Mabuti na lang talaga at magaling akong magpigil ng tawa.
“Grabe! First time ’to, Jam, na nakasama ka namin sa lunch! Anong nakain mo?!” nabibiglang tanong sa akin ng isa naming katrabaho.
Naririto na kami sa lugar kung saan sila kumakain tuwing lunch. Maayos naman ang lugar at mukhang malinis ang mga tinitinda.
“Wala nga akong nakain kaya nandito ako ngayon, ’di ba?” sagot kong tipid sa aking kasama. Hindi ko talaga makontrol ang aking sarili sa pagsusungit minsan.
Ang totoo niyan ay busog pa naman ako dahil kumain ako ng almusal tulad ng nakasanayan ko. Pero dahil sa pakiusap sa akin ni Lola Tasing kahapon, kailangan ko itong gawin ngayon.
Sinubukan ko lang naman kanina kung ano ang magiging reaksyon ng impakto ’pag nalaman niyang sasama ako rito. Kung sasabihin niya kasing kakain siya kasama sila, babawiin ko ang pagsama rito. Pero dahil sa nakita ko kaninang naging reaksyon niya, pinanindigan ko na rin ang bagay na ito.
Pinagmasdan ko ang lalaking hindi raw gutom. Medyo malayo siya sa akin dahil nahila siya ng iba naming kasamang babae para makatabi.
Ang sabi niya kanina, busog pa raw siya. Busog siya pero nakaka-tatlong kanin na siya! Napapatanong tuloy ako kung paano na lang kung gutom pa siya? Pitong takal ng rice? Sampu?
“Ang gwapo niya, ’no?” biglang pagsasalita ni Steff mula sa aking tabi. Siya lang naman ang may lakas ng loob para makasama ako nang may ngiti.
“H-ha?” ang tila nabibingi kong reaksyon at tiningnan siya.
“Sabi ko, ang gwapo ni Kim.” pag-uulit niya pa habang nakangisi.
Hindi ako nakapagbigay ng komento sa sinabi niya. Bahala siya sa opinyon niya.
Ang akala ko ay hanggang doon lamang ang magiging komento ni Steff, pero nagulat ako sa sumunod na sinabi niya.
“Mas gwapo siya kesa sa pinsan kong si Sam.” nakangiti niya pang pagkumpara.
Hindi ko alam ang isasagot ko kay Steff kaya iniwas ko na lamang ang aking tingin dito.
“Kumain ka na lang diyan. Ang dami mong napapansin.” pagsaway ko na lang sa pilya kong kaibigan.
Ang akala ko ay maaapektuhan siya sa pagsusungit ko sa kanya, pero tinugunan niya lamang ako ng mahinang pagtawa. Baliw talaga.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.07.2018
Chapter 8
JAM’S POV
Ilang araw pa ang lumipas at sumapit na rin ang buwan ng Disyembre. Ang buwan sa buong taon na kung pwede lang ay wala na lamang sana sa kalendaryo.
Nagpatuloy kami ng impakto sa ganoong set up. Laging magkasabay na papasok, magtatrabaho, kakain at uuwi sa aming lugar.
Sa paglipas ng mga araw, mukhang nasasanay na rin ang mga katrabaho namin na nakakasabay nila ako sa pagkain. Tuwing sasapit kasi ang oras ng lunch ay niyayaya na nila ako para kumain hindi tulad ng dati.
Nagkaroon pa ng karagdagang pagbabago sa araw-araw na pamumuhay ko. Naroroon na sa tuwing sasapit ang umaga ay inaasahan ko nang nasa labas na ng aking gate ang impakto at hinihintay ako para sabay na kaming papasok sa trabaho. Ganoon din sa pag-uwi, matiyaga siyang naghihintay kahit minsan ay kailangan kong mag-overtime.
Tuwing nasa biyahe kami ay panay na rin ang kwento niya sa akin. Sa loob ng halos tatlong linggo na ganito ang nangyayari ay marami na rin akong nalaman tungkol sa kanya. Ang daldal niya kasi. Sobrang daldal na napakasarap tahiin ang bibig.
Bunso siya sa tatlong magkakapatid na lalaki. Lola’s boy kaya mas pinili niyang mamuhay kasama si Lola Tasing. Dalawang taon na pala siyang nasa lugar namin nakatira. Hindi ko iyon napansin dahil hindi ko naman ugali ang lingunin ang aking mga kapitbahay kaya wala rin akong kilala sa kanila.
Marami pa siyang naikwento sa akin ngunit dalawang bagay lamang ang tumatak sa akin.
“Attracted ako sa parehong kasarian. Ilang beses na rin akong nagkaroon ng girlfriend, pero never ko pang na-experience ang magkaboyfriend.”
“May nagugustuhan ako pero natatakot ako. Ewan ko ba?! Para akong aatakihin sa puso ’pag iniisip kong magko-confess ako sa kanya!”
’Yan ang dalawa sa maraming bagay na naibahagi niya sa akin habang kami ay nasa biyahe. Aaminin ko, nagulat ako sa sinabi niyang iyon, ngunit pinili ko na lamang na itago ang aking reaksyon.
Sinabi niya rin sa akin na tanggap siya ng kanyang buong pamilya kahit ano pa man siya. Ang mahalaga raw kasi sa kanila ay ang kasiyahan niya. Sa totoo lang ay nakaramdam ako ng inggit sa bagay na iyon tungkol sa kanya. Kabaligtaran kasi namin siya ni Sam.
Hindi ko maipaliwanag kung paano nangyari, pero sa kanyang mga kwento ay bahagya akong naaaliw. Hindi ko na nga naisusuot ang aking earphones sa tuwing nasa biyahe kaming dalawa. Isa pa, paano ko pa iyon gagawin kung minsan ay siya pa ang nagtatanggal ng bagay na iyon mula sa aking tainga para lang pakinggan ko siya? Sa huli ay wala rin naman akong magawa, dahil kahit tapunan ko siya ng nakamamatay na tingin ay hindi niya iyon alintana. Patuloy lang siya sa masayang pagkekwento niya.
“Jam-jam!” pagtawag niya sa akin.
Nilingon ko siya habang nakakunot ang noo ko. Narito kami ngayon sa aming lugar at wala kaming pasok sa trabaho. Ngayon din ang araw para mamili ako ng mga stocks ng ref ko.
“Tigilan mo nga ang pagtawag sa akin nang ganyan!” pagsaway ko sa kanya.
Sa halip na maapektuhan ay ngumiti lamang siya.
“Saan ka pupunta?” tanong niya.
“Maggo-grocery!” naiirita ko namang sagot sa kanya. Ewan ko kung kailan pa ako nagsimulang sagutin siya na parang normal lang. Sa sobrang daldal niya kasi, minsan ay mapipilitan ka na lang.
“Talaga?! Sama ako!” masaya niyang paanyaya sa kanyang sarili.
Susubukan ko sana ang tumutol, pero naunahan na naman niya akong magsalita.
“Diyan ka lang, ha?! Hintayin mo ako!” masaya niyang pakiusap.
Wala na nga akong nagawa dahil mabilis din siyang umalis sa aking tapat.
Ilang minuto pa akong naghintay nang makabalik siya, ngunit ang ikinagulat ko ay may sinasakyan na siyang motor na sa harap ko rin pumarada.
“Suot mo ’to para safe tayo.” nakangiti niyang paalala habang isinusuot sa akin ang helmet. “Sakay na, bilis!” utos niya pang atat na atat.
Mabuti na lang at wala akong trauma sa motor. Mas gusto ko nga ang sumakay rito dahil makikita mo ang kabuuan ng dinadaanan mo. Hindi ito gaya ng sakay ka ng kotse at mabibigla ka na lang sa mga bagay na basta na lamang susulpot.
“Kapit ka, ha?” utos njya sa akin at mabilis na inilagay ang aking mga kamay paikot sa kanyang bewang.
Nakaramdam ako ng pagkailang dahil doon. Mabilis kong inalis ang aking kamay at inilagay sa hawakan na nasa likod ng motor.
“D-dito na lang ako hahawak.” nauutal kong pagtutol.
Hindi naman siya kumontra, ngunit nagbitiw siya ng malalim na buntong-hininga.
“May motor ka palang impakto ka?! Bakit hindi na lang ito ang gamitin mo ’pag papasok ka sa trabaho?!” tanong kong may kalakasan nang magsimula na kaming bumiyahe. Ito yata ang kauna-unahang pagkakataon na ako ang nagbukas ng usapan sa aming dalawa.
Saglit siyang natigilan sa hindi ko malamang dahilan.
“Wala kasi akong lisensya, eh!” sagot niya ring may kalakasan.
Nang marinig ko iyon ay nanlaki ang mga mata ko.
“Ano?! Eh, kung mahuli tayo ng traffic police dahil wala kang lisensiya?! Mag-isip ka nga! Pati ako madadamay sa ’yo!” sigaw ko sa kanya.
Nagulat siya sa naging pagsigaw ko. Pero sa totoo lang, kahit ako ay nagulat sa sarili ko. Hindi ko inaasahan na mapapasigaw ako nang ganito. Gaano na ba katagal nang huli kong ginawa ang tulad nito?
Hininto niya muna ang motor sa tabi ng kalsada bago ako nilingon.
“Grabe naman! Ang sakit naman sa tenga ng sigaw mo!” reklamo niya sa akin.
Nakaramdam naman ako ng hiya kaya hindi ako nakasagot sa kanya. Pero matapos ang kanyang pagrereklamo ay nagbitiw din siya ng mahinang pagtawa.
Pinagmasdan ko lang siya habang magkalapit ang aming mukha. Ngayon ko lamang napansin na may hitsura nga ang impaktong ito tulad ng sinabi sa akin ng kaibigan ko. Matangos ang ilong nito at mapula ang mga labi. Hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang magaganda niyang mga mata na mababakas mo ang kasiyahan.
“Joke lang! May lisensya ako. Tinatamad lang akong mag-drive dahil malayo ang pinapasukan natin.” sagot niya sa naging panenermon ko.
Hindi ko matagalan ang pakikipagtitigan. Agad kong iniwas sa kanya ang aking tingin at ibinaling sa kanan.
“P-patakbuhin mo na kaya ’tong motor? Ang bagal mong magmaneho.” nauutal at pag-iiba ko ng usapan. Wala na yata kasi siyang balak pang tanggalin ang pagkakalapit ng mukha namin sa isa’t isa. Masyadong nakakailang.
Naging maayos naman ang pagpunta namin sa maliit na grocery store malapit sa aming lugar. Nang simulan ko naman ang mamili ay nakasunod lamang siya habang bitbit ang basket kung saan nakalagay ng mga pinamimili ko. Pero ang nakakapagtaka, kahit hindi ko siya kinakausap ay tila ba ang saya-saya pa rin niya.
Kaunti lang naman ang aking mga pinamili kaya nagkasya rin ang mga iyon sa compartment na nakakabit sa likod ng kanyang motor.
“Heto na ang helmet mo.” wika ko habang iniaabot sa kanya ang ginamit ko. Kababalik lang namin at naririto na rin kami sa tapat ng bahay ko.
“Luh? Gano’n na lang ’yon?” tanong niyang nagtataka.
“E, ’di salamat!” sambit ko sa seryosong tono. Iniisip niya yata na slow ako kaya hindi ko makukuha ang gusto niyang ipunto.
Ngumiti siya nang wagas. Iniisip kong ngiti iyon bilang pagtanggap ng aking pasasalamat, ngunit mukhang nagkamali ako.
“Hindi ako tumatanggap ng pasasalamat, Jam. Wala nang libre sa panahon ngayon kaya may kapalit ’yon,” nakangiti niyang pagtatama sa sinabi ko.
Napataas ang aking isang kilay dahil sa narinig ko.
“Bakit? Nagpapabayad ka ba dahil sa gas na nagamit mo? Magkano ba?” sunod-sunod kong tanong at sinimulan ko na rin ang kumuha ng pera mula sa bulsa ko.
“Hindi rin,” sagot niya pa rin sa akin kaya natigilan din ako.
“E, ano?” tanong ko na ngayong nagtataka sa kanya.
May ilang segundo pa siyang pinalipas hanggang sa sumagot siya.
“Ang tagal na nating magkapitbahay, Jam-jam. Ilang linggo na rin tayong magkakilala, ’di ba? Sinusundo pa nga kita tuwing papasok tayo sa trabaho. Pero kahit minsan, hindi mo pa ako pinatuloy sa bahay mo.” mahaba niyang sagot habang suot ang ngiti nito.
Muli ay natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ko magawang makapagsalita at hindi ko rin alam ang aking magiging reaksyon.
“Sige na! Patuluyin mo na ako! Hindi ako magkakalat, promise! Hindi rin ako magdadaldal! Gusto ko lang makita ang loob ng bahay mo!” pamimilit niya pa rin sa akin.
Nakaramdam ako ng pagkabahala kaya ilang segundo rin ang lumipas bago ako nakapagsalita.
“H-hindi pwede.” nauutal kong pagtutol.
“E, bakit naman? Maabala ba kita sa gagawin mo? Sabi ko nga sa ’yo, hindi ako mangungulit. Saglit lang ako, promise!” hindi pa rin niya pagpapatalo.
Nanatili siyang nakangiti habang nakatingin lamang din ako sa kanya nang seryoso. Ngayon lang may naglakas-loob na humingi sa akin ng pabor tulad nito. Kahit kasi si Steff ay hindi ko na pinayagang makapasok sa tatlong taon na pananatili ko rito.
“Oo. Maaabala mo lang ako. Mag-uusap pa kasi kami ng boyfriend ko.” seryoso ko pa ring sagot sa kanya.
Nang sabihin ko ang bagay na iyon ay mabilis na naglaho ang pagkakangiti niya. Hindi rin siya agad na nakapagsalita at napansin kong tila nalungkot siya.
“Gano’n ba? Mag-uusap ba kayo sa cellphone? Sa video call?” tanong niya sa akin gamit ang mahinang boses nito.
Hindi ko siya magawang sagutin kaya nanatili lamang ako sa kanyang nakatingin. Sinubukan niya namang ibalik ang kanyang ngiti, ngunit batid kong hindi iyon sinsero dahil hindi rin iyon umabot sa kanyang mga paningin.
“Sige, Jam. Magkita na lang tayo bukas. Hihintayin na lang kita rito sa gate.” dismayado na niyang pamamaalam sa akin.
Matapos iyon ay hinndi na rin niya ako hinintay pang makasagot. Mabilis na niyang pinaandar ang kanyang motor palayo sa aking pwesto.
Habang pinagmamasdan ko ang imahe niyang papalayo ay hindi ko sinasadyang maihakbang ang aking mga paa at maiangat ang isa kong kamay. Nakamwestra ako na tila gusto ko siyang pigilan sa pag-alis niyang iyon.
Bakit? Bakit pakiramdam ko ay kailangan kong magpaliwanag sa kanya? Bakit ba nakaramdam ako ngayon ng awa sa naging reaksyon niya?
Pero hindi kasi maaari. Hindi siya pwedeng makapasok sa mundo ko. Hindi siya pwedeng maging malapit sa akin dahil nakikita kong positibo siyang tao. Hindi pwedeng matulad siya sa gaya ako.
Bago ako natulog ng gabing iyon ay hindi na ako pinatahimik ng aking pag-iisip. Ito na yata ang pangalawang gabi na iniisip ko ang impakto. Paulit-ulit na nagbabalik sa aking isip ang kaninang naging reaksyon nito.
Sa kabila ng mga kaganapan, ginawa ko pa rin ang aking makakaya para gawin ang aking nakasanayan. Kinausap ko muna si Sam bago ko ipikit ang aking mga mata. Hindi ko pinakita na may gumugulo sa aking isip dahil pinanatili ko ang aking malawak na ngiti habang nakikipag-usap sa kanya.
All rights reserved.
2016
cold_deee
12.08.2018
Chapter 9
JAM’S POV
Kinabukasan ay may hindi magandang nangyari bago ako pumasok sa trabaho. Ang nakasanayan kong pakikipag-usap kay Sam bago ako umalis ay hindi nangyari sa pagkakataong ito.
“Good morning, Jam-jam!” masiglang bati ng impakto mula sa labas ng aking gate.
Tulad ng aking nakaugalian ay hindi ko siya binati pabalik. Mukhang sanay na rin naman siya kaya wala siyang nagagawa kundi ang ngumiti.
Padabog kong sinarado ang pinto ng aking bahay dahil sa labis pa rin na inis.
“Oh?! Bakit parang badtrip ang umaga mo? Ngayon ka lang yata lumabas ng bahay na hindi maganda ang mood, ah? Anong nangyari?” sunod-sunod na tanong nito pagkalabas ko ng gate.
Nagtaka ako sa kanyang sinabi. Iisa lang naman kasi ang lagi kong ekspresyon at tanging pagsimangot lang iyon. Pero paano niya nalaman na may kakaiba sa akin ngayon?
“Wala!” tipid kong sagot at inirapan siya. Nagsimula na rin akong maglakad at alam kong nakasunod naman siya.
“Grabe naman ’yon! Sige na, kwento mo na! Malay mo makatulong ’tong impakto na ’to sa ’yo, ’di ba?” pagpipilit niya pa.
Dahil sa alam kong wala naman siyang balak na tigilan ako sa pagtatanong ay huminto na lang din ako sa paglalakad. Kasunod nito ay hinarap ko siya habang salubong pa rin ang aking kilay.
“Nasira ang laptop ko! Ngayon, masaya ka na ba dahil nasagot kita?!” naiinis kong balik sa kanya.
Bahagya siyang natigilan at nabawasan ang mga pagkakangiti niya. Muli ko na namang nakita ang lungkot sa kanyang mga mata.
Ilang segundo rin ang kanyang pinalipas bago muling nagsalita.
“Gano’n ba? Kaya naman pala ganyan ka. Hindi kayo nagkausap ng boyfriend mo sa video call?” tanong niyang may kahinaan ngunit sapat lang iyon para marinig ko.
Hindi ko siya sinagot. Tinalikuran ko siyang muli at itinuloy ang aking paglalakad. Pero ilang hakbang pa lamang ang aking nagagawa nang muli na naman siyang magsalita.
“May kilala akong magaling mag-ayos ng computer. Gusto mo bang tulungan kitang mapaayos ’yon?”
Dahil sa narinig ko ay muli na naman akong napatigil.
“Sasamahan kita mamaya after office hours para ipaayos ’yon. Ililibre ko pa ang magagastos mo,” sunod niya pang alok.
Muli ko siyang nilingon at tiningnan nang diretso. Gusto kong makasigurado kung may katotohanan ba ang alok ng impakto.
Nang magtagpo ang aming mga mata ay ngumiti siya, ngunit pareho ng kahapon ay hindi iyon umabot sa kanyang mga mata.
“Kung ’yon lang ang paraan para mapasaya ka, tutulungan kita, Jam.” dagdag niya pa.
Dahil sa aking narinig ay hindi na ako nagdalawang-isip pa. Mabilis akong humakbang pabalik sa aking bahay para kunin ang laptop kong ngayon ay sira.
“Tara na. Pumasok na tayo sa trabaho.” malamig kong pagyaya nang makalabas ako ng bahay bitbit ang laptop ko. Nilampasan ko rin siya habang mabilis ang aking mga paghakbang na animo’y nagmamadali na talaga ako.
Narinig ko ang mahina niyang pagtawa mula sa aking likuran. Marahil ay naaaliw siya sa nakikita niyang paglalakad ko sa napakabilis na paraan.
Wala akong pakialam kung pagtawanan niya ako, ang mahalaga ay matulungan niya akong mapaayos ang laptop ko. Hindi ito maaaring masira dahil ito ang pinaka-importanteng bagay sa akin. Ito lang kasi ang nag-iisang bagay na nagdurugtong sa aming dalawa ni Sam.
Habang nasa trabaho ay hindi ako mapakali. Binabantayan ko ang bawat pagpatak ng oras. Gusto ko nang matapos ang araw na ito para mapaayos na ang aking laptop.
“Kalma ka lang diyan! Tingin ka nang tingin sa relo mo, eh! Darating din oras para sa uwian!” natatawang pagpuna ng impakto sa tapat ng table ko.
Inikutan ko lamang siya ng mata. Kanina niya pa kasi pinapansin ang mga kilos ko, at habang ginagawa niya iyon ay natatawa rin ito.
Dahil sa may pabor akong hinihingi sa kanya ay kailangan kong pakalmahin ang aking sarili. Hindi ko siya pwedeng awayin kaya naman pinapalampas ko na lamang ang nakakaasar niyang ngiti.
Nang dumating ang oras para lumabas kami ng trabaho ay nagmamadali akong inayos ang mga gamit ko.
“Bilisan mo na! Impakto na nga, ang bagal pa!” buska ko sa kanya.
Nag-aayos siya ng kanyang gamit upang maghanda na rin sa paglabas ng aming opisina.
“Sandali lang naman! Atat na atat ka naman, eh!” natatawa niyang sagot sa akin.
Hindi na ako muli pang nagsalita dahil baka humaba pa ang pag-uusap naming dalawa. Lalo lang din magtatagal ang pagpapaayos namin sa laptop kong sira.
Maging noong nasa biyahe kami ay hindi ako mapakali sa jeep. Ang impakto naman ay aliw na aliw sa nakikita niyang reaksyon ko kaya wala itong nagawa kundi ang tumingin sa akin habang nakangiti.
Nakarating kami sa isang mall kung saan doon daw nagtatrabaho ang kanyang kaibigan.
“Bilisan mong maglakad! Kalalaki mong tao pero napakabagal!” reklamo ko na naman sa kanya.
“Sandali lang naman! Nasa mall tayo, oh?! Ayaw mo bang mamasyal muna?!” mungkahi niya.
Nagdikit ang ngipin ko dahil naaasar na talaga ako.
“Pupunta na ba tayo sa kakilala mo o gusto mong iwan kita rito?! Maghahanap na lang ako ng ibang pwedeng mag-ayos ng laptop ko!” pagbabanta kong inis na inis sa kanya.
“Joke lang! ’To naman! Masyadong high blood!” pagbawi naman niya.
Nagpatuloy na kami sa paglalakad hanggang sa marating namin ang shop ng kaibigan niya. Nang simulan ng kanyang kaibigan ang pagsusuri sa aking laptop ay kabado pa ako. Ang impakto naman ay saglit na umalis dahil may bibilhin lang daw ito.
“Madali lang ’to. May papalitan lang tayo rito.” wika ng kaibigan niyang si Mark na nagtatrabaho sa pagawaan ng computer matapos niyang i-check ang laptop ko.
“T-talaga??” namamangha kong sambit.
“Oo naman! Pwede mo na rin hintayin ’to ngayon. Hindi mo na kailangan pang maghintay ng bukas o ilang araw pa.” nakangiting pagkumpirma niya pa.
Walang mapaglagyan ang aking saya nang malaman ko iyon. Pero ilang segundo lang din na nagtagal ang kasiyahan kong iyon nang may maalala ako.
“Ahm… Mark, kapag naayos ba ’yan, mabubura rin ba ang mga files ko na nandiyan?” tanong kong nag-aalala sa kanya.
Gumuhit ang mas malapad na ngiti sa lalaki bago ako nagawang sagutin.
“’Yan ang karaniwan na nangyayari. Pero sa kaso ng laptop mo, wala kang dapat ipag-alala dahil mananatili ang mga files mo rito.”
Nasa ganoong tagpo kami ni Mark nang bigla naman dumating ang impakto.
“Ano nang nangyari? Maaayos ba, par?” tanong nito sa kanyang kaibigan habang nakatayo sa aking tabi.
“Oo, Par! Minor lang naman ang sira, eh!” sagot pa rin ni Mark na nakangiti.
Dahil sa labis na kasiyahan ay nilingon ko ang impakto at mabilis ko siyang nahawakan sa magkabila niyang braso.
“Narinig mo ’yon, Kim?! Maaayos daw niya ang laptop ko!” masaya kong pagbabalita habang inuuga ko ang kanyang katawan.
Dahil sa ginawa kong pag-alog sa kanyang katawan ay nalaglag ang hawak nitong ice cream. Hindi ko kasi napansin na may hawak ito nang siya ay dumating.
Nakaramdam ako ng hiya at panghihinayang. Ngayon kasi ay nasa sahig na ang kanyang ice cream na hindi na niya mapapakinabangan.
All rights reserved.
Year 2016
cold_
deee
12.09.2018
Chapter 10
JAM’S POV
Dahil sa ginawa kong pag-alog sa kanyang katawan ay nalaglag ang hawak nitong ice cream. Hindi ko kasi napansin na may hawak ito nang siya ay dumating.
Nakaramdam ako ng hiya at panghihinayang. Ngayon kasi ay nasa sahig na ang kanyang ice cream na hindi na niya mapapakinabangan.
Unti-unti kong inangat ang aking paningin upang magtama ang aming mga mata at humingi ng dispensa sa kanya. Sa hindi ko malamang dahilan, nakatitig siya sa akin habang nanlalaki ang kanyang mga mata.
“S-sorry, Kim…” nahihiya kong paghingi ng tawad sa kanya habang nagkakamot ng aking batok.
Hindi siya tumugon, nanatili lamang siyang nakatingin sa akin suot ang tila gulat na gulat niyang ekspresyon.
“K-kim?” pagtawag ko na sa kanya dahil hindi na siya gumalaw pa.
Sa pagkakataong ito ay tinawag na rin ni Mark ang kanyang atensyon dahil tulala pa rin siya.
“Hoy, Pareng Kim! Anyare sa ’yo?” tanong sa kanya ni Mark.
Dito na siya natauhan. Ngunit sa halip na harapin si Mark ay nanatili lamang ang kanyang mga matang nakapako sa akin.
“Mark…” mahina niyang pagtawag sa pangalan ng kanyang kaibigan.
“Oh?” sagot naman ni Mark.
“Anong sira ng laptop?”
“Uhm… Charger lang. Bakit?”
Ilang segundo ang lumipas bago ito sinagot ni Kim, pero hindi niya pa rin inaalis ang kanyang tingin sa akin.
“Bigyan mo siya ng tatlong charger, Mark. Ako na ang magbabayad.” sagot ni Kim.
“Ha??!!” gulat na gulat tuloy na reaksyon ng kanyang kaibigan. Kahit ako ay nagulat sa sinabing iyon ni Kim.
Ano bang tumatakbo sa isip nito? Pabigla-bigla lang siya sa mga sinasabi niya!
Sa wakas ay nagawa ni Kim na lingunin ang kanyang kaibigan. Dahan-dahan niya iyong ginawa bago muling nagsalita.
“First time niya akong tinawag sa pangalan ko… First time ko rin siyang nakitang ngumiti… Kaya bigyan mo siya ng tatlong charger kung ’yon lang ang paraan para mapangiti ko ’tong si Jam-jam… Bilisan mo lang, Par, kung puwede..?” paliwanag niyang may kabagalan habang tinuturo ako.
Nang maisip ko ang nangyari ay nag-init ang mukha ko. Alam ko rin na namula ako.
“Langya ka, Par! Nababakla ka na naman kay Jam! Umalis na nga lang muna kayo! Balikan n’yo na lang ’to after one hour. Kukunin ko pa ang charger na ipapalit ko rito sa kabilang branch namin. Doon lang may available, eh.” utos na lamang sa amin ni Mark.
Hindi na kami nakapagsalita pa dahil kasunod nito ay unti-unti akong nilingon ng impakto. Pero dahil sa hiya ay mabilis kong iniwas sa kanya ang tingin ko.
“T-tara na nga! B-bumalik na lang tayo mamaya! Papalitan ko na rin ang ice cream mo!” pagyaya kong nauutal sa kanya at sinimulan ko na rin ang humakbang palabas nitong shop.
Hindi ko makita ang reaksyon niya dahil nasa likod ko siya, pero narinig ko ang pagpapaalam niya sa kanyang kaibigan gamit ang tono niyang napakasaya.
Nagpunta kami sa isang ice cream parlor at sabay na kumain. Mabuti na lamang at hindi na niya inungkat pa ang nangyari kanina. Dahil kung sakaling mapag-usapan pa namin iyon ay baka hindi ko na alam kung saan ako magtatago dahil sa labis na hiya.
Nagpatuloy siya sa pagkukuwento ng kung anu-ano kahit ‘oo’ at ‘hindi’ lang naman ang naisasagot ko. Nalaman kong kapitbahay din pala namin si Mark at matalik na kaibigan nito. Kilala rin pala ako ng kanyang kaibigan dahil madalas nga nila akong nakikita sa tuwing papasok at uuwi ako ng trabaho.
Nang makabalik kami kay Mark ay hindi na rin kami nagtagal pa roon. Nagpumilit pa ang impakto na magbayad sa pinalitang charger ng laptop ko ngunit hindi na ako pumayag. Ayaw kong magkaroon ng atraso sa kahit kanino dahil baka iyon pa ang maging dahilan upang magkaroon kami ng komunikasyon nito.
Habang nasa biyahe pauwi ng aming lugar ay hindi napagod ang lalaking ito sa pagkukuwento ng mga bagay tungkol sa kanya. Hindi na nga niya alintana kung hindi ko siya minsan pinakikinggan dahil sobrang saya ko na naayos nang muli ang laptop ko.
Nang makarating kami sa aming lugar ay nagpaalam na rin siya dahil ang kanilang bahay ang una naming madadaanan bago naman ang bahay ko. Ilang beses akong nagpasalamat sa kanya na tinutugunan niya lamang ng paulit-ulit na pasasalamat pabalik dahil nilibre ko raw siya ng ice cream.
Saglit lamang akong nagluto at kumain tulad ng aking nakasanayam. Matapos iyon ay bubuksan ko naman ang Christmas lights na nasa labas ng aking bahay.
Madilim na sa mga oras na ito. Kinailangan ko pang gamitin ang flash ng aking cellphone para lang makita ang saksakan ng Christmas lights na paiilawin ko. Pero nang tuluyan kong mapailaw ang Christmas lights na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapatay-sindi ay nagulat ako sa imaheng nasa loob ng bakuran ko.
“Hi, Jam-jam!” masigla nitong pagbati sa akin.
“K-kim…” mahina kong pagtawag sa kanyang pangalan habang nanlalaki ang aking mga mata dahil sa pagkasorpresa.
Masama ang kutob ko. Sa tingin ko ay may hindi magandang mangyayari sa pagpunta niya rito.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.10.2018
Chapter 11
JAM’S POV
“Hi Jam-jam!” masaya nitong pagbati sa akin.
“K-kim…” mahina kong pagtawag sa kanyang pangalan habang nanlalaki ang aking mga mata dahil sa pagkabigla.
Nakasuot na ito ng kanyang pambahay na pinaparesan ng kanyang mga ngiting hindi na yata maaalis sa kanyang mukha.
“A-anong ginagawa mo rito sa loob..?” nauutal ko pang tanong sa kanya.
Nagkamot muna siya ng kanyang batok bago ako sinagot.
“Kakatok sana ako sa pintuan bahay mo, eh. Saktong lumabas ka naman.” nahihiya naman niyang sagot.
Kumilos ako nang dahan-dahan para harangin ang pinto ng aking bahay. Nakakaramdam na kasi ako ng kaba sa maaaring maganap ngayong naririto siya.
“A-anong kailangan mo..?” kinakabahan ko pa rin na tanong sa kanya.
Saglit muna siyang nag-isip habang nakatingala. Kalmado siya sa mga oras na ito, samantalang ako ay hindi na malaman kung paano kakausapin ito.
“Uhm… Wala naman. Wala kasi akong magawa, eh. Pwedeng patambay rito? Hindi ako hihingi ng juice o tubig, promise!” pagsagot at pagpapaalam niya.
Hindi ako nakasagot dahil sa labis pa rin na pagkasorpresa. Dahil din doon ay nagkaroon pa siya ng pagkakataon na makapagsalita.
“Saka gustong ipa-check ni Lola kung may mga kailangang ayusin dito sa bahay mo. Kagaya ng tubo, kuryente, at kung anu-ano pa. Kailangang maayos ang mga ’yon bago pa magkaroon ng problema.” mahaba niya pang pagpapaliwanag kung bakit siya rito nagpunta.
Alam kong responsibilidad ng mga nagpapaupa ang mga bagay na tulad ng nasabi nito, pero sa tuwing magkakaproblema naman ako rito ay ako na rin mismo ang umaayos dahil marunong naman ako. Hindi ako kailanman humingi ng tulong sa kahit na kanino. Hindi kailanman dahil ayaw kong may ibang taong makakapasok sa bahay ko.
“H-hindi pwede…” mahina at nauutal ko pa ring sagot.
Nangunot naman ang kanyang noo dahil sa sinabi ko.
“Ha? Bakit naman?” kaswal niyang tanong sa akin.
Dahil sa labis na takot ay hindi ko na nakontrol ang aking sarili na pagtaasan na siya ng boses.
“Basta, hindi pwede!”
Dahil sa aking inasal ay mas lalo siyang nagtaka, ngunit makalipas ang ilang sandali ay nagbalik din ang ngiti niya.
Ang akala ko ay hanggang doon na lamang iyon, pero lalo nang dumoble ang aking kaba nang magsimula siyang humakbang patungo sa aking pwesto.
Kahit ilang linggo pa lamang kami nitong magkakilala ay alam ko kung ano ngayon ang binabalak niya. At dahil din sa kanyang angking kakulitan ay alam ko kung anong ideya ang mayroon ngayon siya.
“Eto naman! Kahit magkuwentuhan na lang tayo! Wala naman pasok bukas, eh! Mamaya ka pa naman matutulog, ’di ba? Saka mamaya pa naman yata kayo mag-uusap ng boyfriend mo kaya hindi naman kita maiistorbo.” pagpupumilit niya pa habang patuloy na lumalapit sa kinatatayuan ko.
Agad kong hinarang ang aking mga kamay sa pintuan ng bahay ko. Sa ipinapakita niya ngayon ay sigurado na akong gusto niya talagang makapasok dito.
“Kim, hindi pwede!!” sigaw ko na sa kanya sa pagkakataong ito.
Napahinto siya sa aking tapat at alam kong nabigla siya sa pagsigaw na ginawa ko. Ngunit tulad ng inaasahan ay muli niya ring ibinalik ang kanyang pagkakangiti makalipas lang ang ilang segundo.
“Grabe ka naman makasigaw! Gusto ko lang naman makita ang bahay mo!” natatawa niyang balik sa akin.
Kung gano’n ay tama nga ako. Ito nga ang kanyang pakay kung bakit siya naririto.
Akmang kikilos siyang muli para mas makalapit pa ay mabilis ko siyang itinulak sa kanyang dibdib. Dahil sa pagkataranta ay hindi ko sinasadyang mapalakas ang pagkakatulak sa kanya. Naging dahilan tuloy iyon para mapaupo siya sa lupa at rumehistro ang labis na pagkagulat sa kanyang mukha.
Hindi ko ito inaasahan at alam kong ganoon din siya. Masyado akong binalot ng takot kaya nagawa ko iyon sa kanya.
Nang makabawi siya sa naging pangyayari ay dahan-dahan siyang tumayo. Pinagpag niya rin ang kanyang short dahil sa mga kumapit na dumi rito. Matapos iyon ay huminga siya nang malalim na nasundan ng mahinang pagtawa na labis kong ipinagtaka. Kasunod naman nito ay mahinahon niya akong kinausap habang bakas ang lungkot at pagkadismaya sa kanyang mukha.
“Bakit ka ba ganyan, Jam..? Ako na nga itong lumalapit sa ’yo para makipagkaibigan… Ako na nga itong mukhang tanga na sunod nang sunod sa ’yo kahit saan ka magpunta para lang hindi ka laging nag-iisa… Pero heto ka, pinagtutulakan mo naman ako palayo sa ’yo… Bakit, Jam..? Bakit ganyan mo ako pakitunguhan..?” mahaba niyang pagtatanong sa malungkot niyang tono.
Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung anong idadahilan ko sa kanya.
“Gusto lang naman kitang kilalanin, Jam… Gusto kong mapalapit sa ’yo dahil pakiramdam ko, kailangan mo ng makakasama… Bakit ba parang pinagdadamot mo ang sarili mo sa iba..?” tanong niya pa rin sa akin.
Bagama’t nakakaramdam pa rin ako ng takot ay sinikap kong makapagsalita. Tiningnan ko muna siya nang tuwid gamit ang nanlilisik kong mga mata.
“Dahil hindi pwede! Dahil walang pwedeng makapasok sa buhay ko! Dahil hindi ako karapat-dapat na magkaroon ng kaibigang gaya mo!” madiin kong sagot sa kanya.
Hindi ko alam kung may mali ba sa aking sinabi, ngunit nagbitiw na naman siya ng nakakainsultong ngiti.
“Paano ka niyan magiging masaya kung ikaw mismo, pinipigilan mo ’yang sarili mo?” pagtatanong niyang muli sa akin.
“Hindi ko kailangang maging masaya, Kim! Higit sa lahat, hindi ako nararapat na makaramdam no’n! Hindi ko kailangan ng kaibigan o kasama para lang sumaya!” pagkontra ko sa sinabi niya.
Sa pagkakataong ito ay hindi na niya napigil pa ang kanyang sarili. Nagsalubong na rin ang kanyang mga kilay at nababakas ko na ang pagkaubos ng kanyang natitirang pasensya sa akin.
“Eh, bakit nga?!! Bigyan mo ako ng magandang dahilan para manahimik na ako!! Para hindi na ako parang aso rito na sunod nang sunod sa ’yo!! Para hindi ko na rin ipagsiksikan ang sarili ko sa taong hindi naman gusto ang kagaya ko!!” sigaw na niya sa akin.
Natigilan ako sa ginawa niyang pagsigaw. Hindi ko inaasahan na darating ang oras na makikita ko kung paano siya magalit dahil nasanay akong lagi lang siyang nakangiti.
“Simula nang tumira ako sa lugar na ’to, nakikita na kita!! Gusto kitang kausapin!! Gusto kitang kaibiganin!! Alam mo ba kung bakit?! Dahil gusto kong malaman kung bakit malungkot ka!! Gusto kitang damayan dahil nag-iisa ka!! Gusto kitang pakinggan!! Gusto kitang kilalanin!! Masama ba ’yon, Jam?!!” sunod-sunod niyang rebelasyon at panunumbat sa akin.
Hindi ako naging handa sa mga maririnig ko mula sa kanya. Hindi ko akalain na bukod sa kaibigan kong si Steff ay may isa pa palang tao na pinapanood ang aking mga ginagawa.
“Sumagot ka!!” muli niya pang sigaw.
Dahil sa kanyang mga sinabi ay nagbalik ang awa ko sa aking sarili. Nagbalik ang pakiramdam ng kalungkutan dahil sa matagal ko nang pag-iisa at walang kasama.
Siguro nga ay wala na rin akong magagawa pa. Panahon na rin siguro para mailabas ko ang lahat ng aking nararamdaman na itinago ko sa tatlong taon ng aking buhay.
Matalim pa rin ang mga mata kong ipinupukol sa kanya nang magsimula akong magsalita.
“Gusto mo talagang malaman? Gusto mo talaga akong makilala?” madiin kong tanong sa kanya.
Hindi siya nagsalita, ngunit pinararating niya sa kanyang mga tingin na handa na siya sa kanyang mga matutuklasan.
“Sumunod ka.” madiin kong utos sa kanya. Kasunod nito ay mabilis akong kumilos para buksan ang pintuan ng aking bahay.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.11.2018
Chapter 12
(A/N: Pwede n’yong i-play ang nasa media habang binabasa ang buong chapter.)

JAM’S POV
“Sumunod ka.” mariin kong utos sa kanya.
Kasunod nito ay mabilis akong kumilos para buksan ang pintuan ng aking bahay.
Pagpasok ko sa loob ay napakagat ako ng ibabang labi ko. Pinipigilan ang sarili ko na lumuha sa mga oras na ito.
Naramdaman ko ang unti-unting pagpasok ni Kim. Hindi ako nagsalita at naghintay na lamang ako sa kanyang magiging reaksyon.
Ilang sandali pa ay dumating na ang hinihintay ko, ang kanyang pagtatanong.
“B-bakit… bakit ang dilim dito sa loob?” tanong niyang nauutal.
Alam kong nabigla siya, at kahit hindi ko gaanong makita ang kanyang mukha ay alam kong nanlalaki ang mga mata niya. May kaunti namang liwanag na nagmumula sa mga Christmas lights na nasa labas ng aking bahay, ngunit hindi sapat iyon para makita niya ang kabuuan nitong aking tinitirahan.
“Ito ang mundo ko, Kim… Ito ang naging mundo ko sa loob ng tatlong taon.. Nasa dilim ako nabubuhay at nag-iisa.. Namumuhay nang walang kasama..” sagot ko sa kanya ay hindi ko na napigilan pa ang lumuha.
Hindi siya nakapagsalita. Iyon na rin ang ginamit kong pagkakataon para sabihin sa kanya ang lahat. Ginawa ko ang pagpapatuloy ng aking paliwanag sa pagitan ng aking mga pag-iyak.
“Tatlong taon… Tatlong taon na hinahayaan kong kapain ang bawat parte ng bahay ko… Na hindi ko binubuksan ang mga ilaw ko… K-kasi… kasi, ayaw kong makita ang bawat parte ng bahay na ’to…”
Nanatili naman siyang tahimik at nakikinig sa naging pagtatapat ko. Nahihirapan man ako sa pagsasalita dahil sa labis na pag-iyak, sinikap kong ipagpatuloy ang pagbubunyag ng aking itinatago sikreto sa tatlong taon ng pamumuhay ko.
“Kung pwede ko nga lang sanang hilingin na sana hindi na dumating ang umaga, eh… Na sana… sana, manatili na lang na gabi… Kasi nahihirapan ako sa tuwing makikita ko ang kabuuan ng bahay na ’to… Nahihirapan akong makita ang bawat parte ng bahay na ’to na dating masaya…”
Mukhang sa pagkakataong ito ay nakabawi na siya dahil nagawa na niyang magsalita.
“B-bakit..? Anong dahilan, Jam..?” tanong niyang may kahinaan.
Kinuha ko muna ang dulo ng suot kong t-shirt at pinahid ang mga luha kong patuloy na dumadaloy. Hindi ko siya sinagot sa pamamagitan ng mga salita, ang ginawa ko ay inabot ang laptop na pinaayos namin kanina na ngayon ay nasa ibabaw ng maliit na mesa.
Alam kong pinagmamasdan niya ang bawat kilos ko kahit may kadiliman dito sa aming pwesto. Walang nagsasalita sa aming dalawa habang parehong nag-aabang sa pagbukas ang laptop na nasa tapat ko.
Nang tuluyan na itong mabuksan ay nagbukas ako ng isang file dito.
“Jam-jam!!”
masayang pagbati sa akin ni Sam sa video.
“Kamusta ang Jam-jam ko? Nagpakabait ka ba ngayon?”
“Ako, nagpapakabait ako rito! Trabaho at bahay lang. Tapos eto, kakausapin ang pinakamamahal na boyfriend ko.”
Habang pinapanood ko ang recorded video ni Sam ay mas dumoble na ang mga luhang umaagos ngayon mula sa mga mata ko.
“Kain tayo, Jam! Manonood ako ng NBA ngayon dito sa apartment, eh.” pagyaya sa akin ni Sam habang hawak ang isang bowl ng potato chips. Nanonood siya ngayon ng paborito niyang larong basketball sa TV.
“Yown! Three points si Lebron!”
“Jam-jam! Naka-three points si James!”
“Jam-jam, manonood muna ako, ha? Finals na kasi, eh. Baka may ma-miss akong moves ni idol!”
“Ingat ka sa pagpasok sa work, ha?”
“Ba-bye na muna, Jam. I love you!”
Natapos ang recorded video ni Sam, ngunit simula nang masilayan ko ang kanyang mukha sa screen ng aking laptop ay patuloy pa rin ang aking mga luha sa pag-uunahan.
Hindi pa ako nakuntento sa ipinakita ko, nanginginig ang mga kamay ko nang pindutin ko na naman ang isa pang recorded video ni Sam. Alam kong naririnig na rin ni Kim ang mga paghikbi ko, ngunit wala akong balak na itigil ang ginagawa ko.
“Jam-jam!!” masayang bati na naman ni Sam mula sa video.
“Kamusta ka ngayong araw? Nagluluto ngayon ng breakfast ang Sam-sam mo. Siguro ikaw, matutulog na ngayon? Diyan ka lang! Panoorin mo muna ako habang nagluluto, ha? Mayamaya ka na matulog.”
“Malapit na Jam! Malapit na!”
“Ayan! Luto na ang paborito mong corned beef, Jam! Kain tayo!”
“Na-miss mo ba ang luto ko? Hayaan mo, pagkauwi ko ng Pilipinas, maipagluluto na kita. I love you, Jam!”
Natapos ang pangalawang video ni Sam, at ang kaninang paghikbi ko ay nasundan na ngayon ng malakas kong pag-iyak dahil sa labis na lungkot na aking nararamdaman.
Akmang magpe-play pa ulit ako ng isa pang recorded video ni Sam ay narinig ko na ang malakas na pagsigaw ni Kim.
“Tama na!!!”
Hindi ko itinuloy ang balak kong pagpe-play rito. Siguro naman ay sapat na ang kanyang mga napanood upang malaman niya ang lahat ng sagot sa mga katanungan nito.
Nagpatuloy ako sa malakas na pag-iyak dahil muling nanariwa ang sakit na naramdaman ko simula nang iwan ako ni Sam.
“Ito ako, Kim… Ito ang naging buhay ko sa loob ng tatlong taon… Nabuhay akong siya lang ang kinakausap ko… Kinakausap at sinasagot siya nang paulit-ulit bago magsimula at magtapos ang araw ko… Ngayon mo sabihin sa akin… May dahilan pa ba ako para sumaya..? May karapatan ba akong pakisamahan ang iba..? Wala, Kim… Wala…” tuluyan ko nang pagbubunyag sa pagitan pa rin ng aking pag-iyak.
Natahimik siya at tila hindi alam kung paano sasagutin ang mga katanungan ko sa kanya. Sumisikip na ang aking dibdib dahil sa labis na pag-iyak. Pero sa pagkakataong ito, gusto kong ilabas ang lahat ng sakit na itinago ko sa loob ng tatlong taon na ako ay nag-iisa.
“Alam mo bang ito ang panahon na pinaka-ayaw ko..? Itong panahon na darating ang Pasko..? Kasi, ito ang panahon na iniwan ako ni Sam… Ito ang panahon na dapat magkasama kaming masaya… Pero sa isang iglap… Sa isang iglap lang, nawala siya… Nawala siya dahil sa akin… Nawala siya dahil mas pinili niyang mabuhay ako…” paglalahad ko sa nangyari tatlong taon na ang nakalilipas.
“Nabuhay ako, Kim… Nabuhay ako dahil prinotektahan niya ako… Pero paano naman ako mabubuhay kung wala naman siya..? Paano naman ako magiging masaya kung iniwan niya akong mag-isa..?” tanong ko sa kanya.
Alam ko naman na hindi niya masasagot ang tanong ko, pero kinuha ko ang pagkakataong ito para maitanong iyon dahil matagal ko nang gustong isumbat kay Sam ang bagay na ito.
Dahil sa mga ginawa kong pagpapaliwanag habang umiiyak ay nakaramdam ako ng panghihina. Parang naubos ang lakas ko dahil sa naganap. Unti-unti ay napaluhod ako sa sahig habang patuloy pa rin sa malakas kong pag-iyak.
Sa loob ng tatlong taon ay ngayon ko lang ulit nagawa ito. Ngayon ko lang ipinakita ang kahinaan ko. Tatlong taon kong pinakita sa ibang tao na matatag ako, na wala akong iniindang lungkot, na malakas ako. Pero pagod na ako. Gusto kong makawala sa lungkot kahit ngayong mga oras lang na ito.
Naramdaman ko ang mabilis na paglapit sa akin ni Kim. Mabilis din siyang lumuhod upang maalalayan ako sa tuluyan kong pagbagsak sa semento.
Habang nakaupo kami sa sahig ay niyakap niya ako. Hindi ko napigilan ang aking sarili na mahawakan siya nang mahigpit sa kanyang mga braso, at habang nasa ganoon kaming posisyon ay paulit-ulit niyang hinaplos ang aking likod.
“Akala mo ba ginusto ko ’to, Kim..? Akala mo ba pinili kong maging ganito ang buhay ko…? Walang tao na hindi gustong maging masaya… Pero sa katayuan ko, kahit anong pilit ko, hindi ko matagpuan ang kasiyahang hinahanap ko…”
Hindi pa rin siya sumagot. Patuloy niya lang na hinahaplos aking ang likod.
“Pagod na ako, Kim… Pagod na pagod na akong mag-isa… Pagod na akong maging malungkot… Pagod na pagod na ako…” dugtong ko pa at halos kinakapos na ang paghinga ko.
Sa mga oras na ito, tanging pag-iyak ko lamang ang maririnig sa bawat sulok ng bahay ko.
Isinisigaw ko ang aking hinanakit.
Tinatawag ko si Sam nang paulit-ulit.
Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit?
Bakit siya pa ang kinuha? Bakit kami pa na wala na ngang makakasama ay pinaghiwalay pa? Bakit sa dami ng taong makasalanan, kami pa ang dapat na magdusa?
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.12.2018
Chapter 13
JAM’S
POV
Binalot kami ng katahimikan matapos ang pangyayaring hindi ko rin inaasahan. Tumigil na ako sa pag-iyak at bahagya na rin akong nahimasmasan. Ngayon ay pareho na kaming nakaupo sa sofa na naririto sa aking sala. Nakasandal ako sa sofa habang nakatingala sa kisame na walang ilaw kaya wala rin akong makita.
Nanatili naman si Kim sa aking tabi na simula pa kanina ay wala nang imik.
“Since college days, magkasama na kami ni Sam… Walang nakakaalam ng relasyon namin maliban kay Steff na pinsan niya… Nangako kami ni Sam na sa oras na makatapos kami, doon din namin sasabihin sa aming mga magulang ang relasyon naming dalawa… Naging matagumpay naman kaming pareho sa aming pagtatapos, pero noong sinabi namin sa aming mga magulang ang tungkol sa amin, pareho rin kaming itinakwil,” kwento ko kay Kim habang naririto pa rin kami nakaupo sa aking sala.
“Pinapili siya noon ng magulang niya sa mismong harap ko… Iiwan niya ako at tatanggapin siyang muli sa pamilya nila, o sasama sa akin si Sam at tuluyan siyang itatakwil ng mga ito..? Sobra ang kaba ko noon, pero binigyan lang ako ni Sam ng isang ngiti at hinawakan niya ang kamay ko… Wala na siyang sinabi pa sa mga magulang niya matapos iyon… Hinila niya na lang akong bigla at lumabas na kami ng bahay nila habang mahigpit na hawak ang kamay ko… Pinili niya ako, at kahit kailan, hindi niya pinaramdam sa akin na nagsisisi siya sa desisyong iyon,” sunod na bahagi ng aking pagkekwento.
Nanatiling tahimik si Kim sa aking tabi kaya nagpatuloy pa ako.
“Dito kami tumira, sa pinapaupahan ninyong bahay… Pareho naman kaming may magandang trabaho at masaya kaming nagsasama… Sa bawat sulok ng bahay na ito, naririto rin ang masasayang ala-ala naming dalawa… Pero, dumating ang pagkakataon na kailangan siyang ipadala sa US para sa isang project… Hindi kami halos makapag-usap nang matagal dahil magkaiba ang oras dito sa Pilipinas, kaya naisipan niyang magrecord ng mga videos para ipadala sa akin… Anim na buwan kaming gano’n… Anim na buwan naming tinitiis ang lungkot,” pagpapatuloy ko.
“Hanggang sa hindi na siya nakatiis pa… Nagpaalam siya sa boss niya na magbabakasyon siya ng Christmas… Sobrang saya namin pareho nang payagan naman siya… Dahil matapos ang anim na buwan, magkikita na ulit kami at magkakasama… Mayayakap na ulit namin ang isa’t isa,” muli kong paglalahad at nagbitaw ako ng isang ngiti dahil sa pag-alala.
Saglit akong huminto at kumuha ng mas marami pang hangin upang magpatuloy sa pagkekwento.
“Alam mo ba ang dahilan niya kung bakit gusto niyang umuwi..?” tanong ko kay Kim at hindi ko naiwasang matawa nang kaunti.
Hindi siya sumagot kaya ako na rin mismo ang sumagot sa tanong ko.
“Kasi gusto niya raw makita ang mga patay-sindi na Christmas lights sa maliit naming garden sa labas,” mas natatawa kong sagot sa tanong ko. “Ang babaw ng dahilan niya, ’no?” natatawa ko pang reaksyon.
Tulad kanina ay hindi ako nakarinig kay Kim ng kahit na anong salita bilang reaksyon.
“Kaya nga taon-taon, naglalagay ako ng Christmas lights diyan sa garden… Pero simula noong mawala siya, hindi pa nangyari na nagpatay-sindi ang mga ilaw ng mga ’yan tulad ng gusto niyang makita…” malungkot ko na ngayong pagpapatuloy.
Muli akong nagbitiw ng malalim na pagbuntong-hininga bilang paghahanda, dahil ang susunod na parte ng aking kwento ay ang pinakamasakit sa lahat.
“Nagkita kami sa airport noong makauwi siya rito sa Pilipinas… Sobrang saya namin noon… Wala kaming pakialam sa paligid kahit makita ng iba na may nagyayakapan at naghahalikan na dalawang lalaki roon… Masaya kami ni Sam kahit walang ibang makaintindi sa amin… Dahil kahit kami lang dalawa, kuntento na kami… Masaya kami dahil mahal na mahal namin ang isa’t isa… ’Yon ang pinakamahalaga sa aming dalawa,” pagpapatuloy ko pa.
Ang susunod na bahagi ng aking kwento ang naging dahilan para maging mahina at malungkot ang boses ko.
“Habang sakay kami ng taxi pauwi rito galing sa airport, naganap ang hindi namin inaasahan — nabangga ang sinasakyan naming taxi ni Sam… Ako dapat ang mapupuruhan, pero niyakap ako ni Sam… Prinotektahan niya ako… Sinigurado niyang walang mangyayaring masama sa akin. Ganoon naman siya, eh… Sinisiguro niyang walang mananakit sa akin… Lagi niyang sinasabi na ako ang pinakamahalaga sa kanya kaya walang pwedeng manakit sa pinaka-iingatan niya,” paliwanag kong mahina. Kasunod din ng mga sinabi kong iyon ay ang pagdaloy ng mga panibago kong luha.
“Iniligtas niya ako… K-kaso lang… Kaso lang, buhay niya naman ang naging kapalit, ’wag lang akong masaktan…” huling bahagi ng pagkukuwento ko kay Kim.
Mabilis kong pinahid ang aking mga luha dahil sa nagbalik na ala-ala. Muling nanariwa ang mapait na kaganapan sa amin ni Sam tatlong taon na ang nakakalipas.
Muling nagbalik ang katahimikan sa pagitan namin ni Kim. Hindi ko pa rin siya nililingon sa aking tabi. Ngunit, makalipas pa ang ilang saglit ay nakarinig ako ng mahihinang paghikbi.
Dahan-dahan kong nilingon si Kim. Mula sa kaunting liwanag na nagmumula sa bintana ng aking bahay ay nakita ko ang paulit-ulit niyang pagpahid ng kanyang mga luha habang humihikbi.
Napangiti ako nang mapait dahil sa kanyang naging reaksyon.
“Umiiyak ka ba dahil naaawa ka sa akin, Kim..?” tanong ko sa kanya.
Mabilis siyang umiling nang paulit-ulit habang patuloy na nagpapahid ng kanyang luha.
“H-hindi…” sagot niya pa ring humihikbi.
Nangunot ang aking noo dahil sa kanyang sagot. Iyon lang naman kasi ang nakikita kong magiging dahilan para umiyak siya tulad nito — ang maawa sa akin dahil sa sinapit ko.
“Eh, bakit ka umiiyak diyan?” tanong kong puno ng pagtataka sa kanya.
May ilang segundo muna siyang pinalipas bago sumagot dahil pinahid niya ang kanyang mga luha gamit ang t-shirt na suot niya.
“K-kasi… Kasi, naiinis ako sa sarili ko… Inis na inis ako, Jam…” sagot niyang paputol-putol.
Mas lalo akong nagtaka sa pagkakataong ito. Lalo nang gumuhit ang pagtataka sa ekspresyon ko.
“Hindi kita maintindihan, Kim… Bakit ka naman maiinis sa sarili mo..?”
Tinanggal niya ang kanyang kamay na nasa kanyang mga mata. Hinarap niya ako habang patuloy pa rin sa pagpatak ang kanyang mga luha.
“Naiinis kasi ako sa sarili ko… Naging duwag kasi ako… Sana pala… Sana pala, noon pa ako naglakas loob na lumapit sa ’yo…” sagot niya sa pagitan ng kanyang pag-iyak.
Nanatili lamang akong nakatingin sa kanya habang nakakunot pa rin ang aking noo. Hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin ako sa paliwanag nito.
Inangat niya ang kanyang kamay at ipinakita sa akin ang tatlo niyang daliri na lalong ipinagtaka ko. Patuloy pa rin siya sa paghikbi nang magpatuloy sa pagpapaliwanag ito.
“Kasi tingnan mo, Jam… Tatlong taon kang namuhay nang malungkot… Dalawang taon na akong nandito sa lugar natin… Kung noon pa lang kinulit na kita at kinausap, sana isang taon na lang ang natira, ’di ba..? Kasi tingnan mo… Three years minus two years equals one na lang, ’di ba..? Eh, ’di sana nabawasan ang taon na nag-iisa ka…” mas mahaba niyang paliwanag habang ang ipinakita niyang tatlong daliri ay naging isa na lang.
Napanganga ako dahil sa nasaksihan ko sa kanya. Hindi ako makapaniwala na magiging ganito ang reaksyon niya. Dahil doon ay natigilan ako dahil sa labis na pagkasorpresa.
Naoobserbahan ko nang may pagkaisip-bata siya, pero hindi ko akalain na ganito siya kalala.
“Pfft!” pinipigilan ko sanang pagtawa ngunit hindi ko na nagawa. Hindi ko na kasi kaya pang itago ang pagkaaliw ko sa kanya.
Sa loob ng tatlong taon ay ngayon lang ulit ako tumawa nang ganito. Nangyari lang din ulit ito dahil sa walang kakwenta-kwentang paglalahad ng impaktong nasa harap ko.
Nang makabawi ay natatawa pa rin akong hinarap siya. Napakalaking tao at napakabrusko, pero parang bata kung umiyak!
“Umuwi ka na nga lang sa inyo! Nakatambay ka na rito kaya siguro naman, masaya ka na?! Isa pa, walang kasama si Lola Tasing sa bahay n’yo! Baka hinahanap ka na rin no’n?!” utos ko sa kanyang natatawa.
Huminga naman siya nang malalim at pilit na pinapatigil ang kanyang sarili mula sa pag-iyak. Nagsimula na rin akong kumilos at tumayo para sana maihatid siya sa pintuan ng bahay ko.
“’Wag mo na akong ihatid sa bahay… Dito ka na lang… Baka mamaya, may mga tambay pa sa labas at mapag-tripan ka…” pag-aalala naman niya sa akin habang humihikbi pa rin siya.
Napataas naman ako ng isang kilay sa kanya habang patuloy pa rin na natatawa.
“At sinong nagsabi na ihahatid kita sa bahay n’yo? Ano ka, chicks?” tanong kong nang-aasar.
Sa halip na maapektuhan sa aking sinabi ay nagawa niya pang tumawa. Natatawa rin ako sa kanya dahil para na siyang nasisiraan ng bait. Umiiyak kasi siya habang tumatawa.
“Grabe naman ’yon… Dahan-dahanin mo naman… Ang sungit-sungit mo talaga…” reaksyon niya ngayong nakanguso.
“Sige na, sige na. Umuwi ka na.” pagtataboy ko nang natatawa sa kanya.
Muli niyang pinunasan ang kanyang natitira pang mga luha bago ito tumalikod sa aking pwesto. Hindi ko na siya naihatid pa sa pintuan dahil mabilis din siyang kumilos para lisanin ang bahay ko.
Ilang hakbang na lamang sana ay tuluyan na siyang makakalabas, ngunit hindi iyon agad na nangyari nang bigla siyang mapatigil habang hawak ang doorknob. Hindi siya sa akin nakatingin ngunit nakikita ko ang ekspresyon ng kanyang mukha — magmula sa pagiging malungkot ay naging seryoso siya na makikitaan mo ng matinding determinasyon.
“Jam, bago ako lumabas dito, gusto kong tandaan mo ’to,” pagsasalita niya at nilingon na rin ako.
Hindi ako nakasagot dahil nasorpresa rin ako sa kanyang pagiging seryoso. Ang nagawa ko lamang ay hintayin ang kanyang pagpapatuloy habang tuwid siyang nakatingin sa mga mata ko.
“Simula ngayong oras na ’to, hindi na ako aalis sa tabi mo kahit ipagtabuyan mo pa ako,”
“Simula ngayon, hindi na kita hahayaang mag-isa dahil sasamahan na kita,”
“Simula ngayon, hindi ka na mamumuhay nang malungkot dahil pasasayahin kita,”
“Ibabalik ko ang mga ngiti mo, Jam. Ibabalik ko ang kulay ng mundo mo,”
“At sinisiguro ko sa ’yo, ako rin ang magliligtas sa ’yo mula sa madilim na mundong pinagkukulungan mo.”
’Yan ang kanyang mga naging pahayag habang diretsong nakatingin sa mga mata ko.
Natigilan ako sa kanyang mga salitang binitiwan. Hindi ko iyon inaasahan kaya nabalot din ako ng katahimikan. At hanggang sa makalabas si Kim ng aking bahay ay nanatili akong nakatingin sa pwesto na kanyang pinag-alisan.
May ilang minuto pa akong tulala habang pinoproseso ang mga bagay na narinig ko. At habang nasa ganoon akong tagpo, may hindi rin inaasahang pangyayari ang naramdaman ko…
Unti-unti kong inangat ang aking kamay para ipatong iyon sa dibdib ko.
“A-ang bilis….” nauutal kong sambit habang pinakikiramdaman ang hindi normal na pintig ng aking puso.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.13.2018
Chapter 14
JAM’S POV
Kinabukasan ay nagpasya akong magpa-late ng gising dahil wala naman akong pasok sa trabaho, ngunit naalimpungatan ako dahil sa mga kaluskos at ingay mula sa labas ng aking kwarto.
Dahan-dahan akong kumilos para alamin ang ingay na naririnig ko. Nakaramdam ako ng takot dahil sa pag-iisip na baka nilooban na ang bahay ko.
Nang makalabas ako ng kwarto ay dahan-dahan pa rin ako sa paghakbang patungo sa sala dahil doon ko naririnig ang pinagmumulan ng ingay. Hawak ko na rin ang baseball bat na laging nasa aking kwarto para maging handa sa ganitong sitwasyon.
Unti-unti kong sinilip ang aking sala. At nang tuluyan kong makita kabuuan nito, doon ko nakumpirma na may tao nga sa loob ng bahay ko.
Mabilis akong binalot ng katanungan nang makita ko ang imahe ng isang lalaki habang nakatalikod ito sa aking pwesto. Abala ito sa pag-aayos ng isang bagay na hindi ko makita dahil natatakpan ito ng katawan nito.
“Anong ginagawa mo rito?! At paano ka nakapasok dito?!” bulyaw kong pagtatanong sa lalaking nasa sala.
Kung hindi ko lamang napigilan, muntik na akong matawa sa aking nasaksihan. Naibato kasi niya ang kanyang hawak na Christmas balls dahilan para magkalat ang mga ito.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo at hinarap ako. Nagbigay rin siya ng alanganing ngiti habang nagkakamot ng kanyang ulo.
“A-ah… Hehe.. G-good morning, Jam….” bati nitong alanganin.
“Good morning ka riyan?! Sagutin mo ang tanong ko! Anong ginagawa mo rito nang ganito kaaga at paano ka nakapasok dito?! Ha, Kim?!” tanong ko pa rin sa kanya.
Patuloy lang siya sa pagkakamot ng kanyang ulo nang sagutin niya ako.
“Sorry na… Gusto lang naman sana kitang i-surprise, eh. Naglagay ako ng Christmas tree dito, oh! Tingnan mo!” pagbabalita nito at itinuro ang Christmas tree na nasa likod nito.
Hindi nagbago ang ekspresyon ko — salubong pa rin ang aking mga kilay dahil sa pagsimangot ko.
“At paano ka nga nakapasok dito?” nakataas ang isang kilay ko nang pagtatanong ngayon.
Mabilis namang napalitan ang kanyang ekspresyon. Mula sa nahihiya ay tila nagtataka na ito ngayon.
“Luh?! Nakalimutan mo bang kami ang may-ari ng bahay na inuupahan mo? Natural may susi kami nito! Haler?!” pamimilosopo niya sa akin.
Natahimik ako dahil sa paraan ng kanyang pagsasalita, para kasi siyang bata. Kaya sa halip na mainis ay parang gusto kong matawa dahil nga sa nakita kong reaksyon niya. Mabuti na lang at nagawa ko pa ring pigilan dahil baka mag-enjoy siyang makita akong tumatawa.
Dahan-dahan ay tinalikuran ko na lamang ang kanyang pwesto para magpunta sa aking banyo. Nag-toothbrush na lang ako at hinayaan siya sa pinagkakaabalahan nito. Wala rin naman akong magagawa dahil alam kong kahit paalisin ko siya ay hindi naman makikinig ito. Natural ang kanyang pagiging makulit at matigas ang ulo.
Matapos ang ilang minutong paghihilamos at pagtu-toothbrush ay hinanda ko na ang aking mga gagamitin sa pagluluto para sa magiging almusal sa araw na ito.
“Nag-agahan ka na?” bigla kong pagtatanong sa kanya habang kinukuha ang frying pan dito sa kusina.
Ewan ko ba kung bakit iyon ang naitanong ko sa kanya. Hindi ko rin maintindihan kung bakit hinahayaan ko lang din siyang magpatuloy sa pag-a-assemble ng Christmas tree sa sala.
“Kumain na ako ng tinapay kanina.” kaswal niyang sagot habang patuloy sa kanyang ginagawa.
Napabuntong-hininga ako dahil sa narinig ko. Totoo nga ang sinabi ni Lola Tasing, sanay siyang tinapay lang sa umaga ang kanyang kakainin.
Matapos iyon ay wala nang namagitan pang usapan sa amin. Patuloy lang ako sa pagluluto ng almusal habang patuloy lang din siya sa pag-aayos ng Christmas tree.
“Mamaya na ’yan. Kumain ka muna rito.” utos ko sa kanya sa seryosong tono matapos ang aking pagluluto.
Hindi ko maalala kung kailan pa ako nagsimulang makipag-usap sa kanya nang tulad nito. Kaswal lang at hindi na ako nakakaramdam ng pagkailang. Siguro ay nakatulong ang mga kaganapan sa amin kagabi lang.
“Sige lang, Jammy, kumain ka lang diyan. Tatapusin ko lang ’to. Saglit na lang naman ’to dahil Christmas lights na lang ang kulang.” seryoso niya ring sagot at hindi man ako nililingon dahil abala pa rin ito.
Nagdikit ang mga ngipin ko dahil sa pinipigilang inis. Ang ayaw ko sa lahat ay tinatanggihan ang pagkain. Grasya ito kaya dapat ay hindi ito paghintayin.
“Ititigil mo ba ’yan o palalabasin kita ng bahay ko?” pagbabanta ko sa kanya.
“Luh? Bahay kaya namin ’to. Umuupa ka lang kaya dito.” pagdadahilan niya habang patuloy pa rin sa kanyang ginagawa.
Huminga ako nang malalim para pakalmahin ang aking sarili at muli siyang tinanong.
“Kakain ka ba rito o gusto mong maghanap na lang ako ng ibang mauupahang bahay?” tanong kong muli sa kanya.
Matapos ko iyon itanong ay naibato niyang muli ang Christmas balls tulad kanina. Kasunod nito ay natataranta siyang tumakbo patungo rito sa aking kusina.
“Sabi ko nga gutom na ako, eh! Kain na tayo, Jammy!” wika niya nang makaupo siya sa silya.
Kinagat ko ang aking ibabang labi para pigilan ang aking pagtawa.
“Ang dumi ng kamay mo. Maghugas ka muna.” seryoso ko pa ring utos sa kanya.
Hindi na siya sumagot o nakipagtalo pa, agad siyang tumayo at nagtungo sa lababo para hugasan ang mga kamay niya.
Habang kumakain kami ay hindi ko maiwasang pagmasdan siya. Patuloy lang siya sa pagkain at pagsasalita kahit puno ang bibig niya. Sobrang daldal talaga.
Bago ang bagay na ito sa akin dahil ngayon lang may ibang tao na nakapasok sa bahay ko. Sa mahabang panahon ay ngayon lang din ulit ako may nakasalo sa pag-aalmusal ko.
“Jammy, ikaw ang magpailaw ng Christmas lights mamaya, ha? Iba’t ibang kulay ng Christmas lights ang dinala ko. Saka patay-sindi na ’yon! Sure na ’yon! Napansin ko kasing puro puti lang ang Christmas lights na nasa bakuran mo, eh. Kaya para maiba naman, colorful naman ang ilalagay ko sa Christmas tree mo. Dapat makulay naman ang nasa loob ng bahay mo!” masaya niyang pagkumbinsi habang ngumunguya pa.
Sa haba ng kanyang sinabi ay isa lang ang tumatak sa akin. Naging dahilan din iyon para magbitiw ako ng malalim na buntong-hininga.
“Kahit patay-sindi pa ’yang dinala mo, sigurado akong ’pag sinaksak ko na ’yan steady na lang ulit ’yan. Hindi mangyayari ang inaasahan mong patay-sindi.” walang gana kong sagot sa kanya.
“Eto naman! Masyado mo naman pinapangunahan!” pagsaway niya sa akin.
“Sinasabi ko lang ang ine-expect ko. Pagod na akong makipag-away sa mga Christmas lights na ’yan.” pagsasabi ko ng totoo.
“Tss! Ang nega mo naman, Jammy!” saway pa rin niya sa akin.
Napataas ako ng isang kilay dahil sa paraan ng pagtawag niya sa akin.
“Kanina ko pa napapansin na ‘Jammy’ ang tawag mo sa akin. Para kang teenager na nagpapa-cute diyan. Nakakairita!” buska ko sa kanya.
“Luh? Ang cute kaya! Saka ayaw na kitang tawagin na Jam-jam.” sagot niya bago sumubo ng kanin sa padabog na paraan.
“Eh, bakit naman? Napansin mo bang ilang araw na kitang hinahayaan na tawagin akong ganyan? Hindi na kita pinipigilan dahil hindi ka naman nakikinig.” sermon ko na ngayon sa kanya.
“Basta ayoko na! Na-realize kong ang baduy pala! Masakit sa tenga! Jam-jam! Jam-jam! Eeeww!” nakangiwi niyang sagot habang patuloy sa pagnguya.
Kahit pigilan ko ay kumawala pa rin ang mahinang pagtawa mula sa akin. Bakit ba napaka-isip bata ng lalaking ’to?
“Saka may originality ako! Jammy ang mas magandang pangalan mo! Jam-jam, eewww! Ang baduy! Eeww, eeww!” hindi pa rin natigil niyang pagsasalita.
Hindi ako nakaramdam ng pagkainsulto sa sinabi niyang iyon kahit ’yon pa ang tawag sa akin ni Sam noon. Mas naaliw ako sa nagiging reaksyon niya ngayon.
“Kumain ka na nga lang diyan! Puro ka kalokohan!” natatawa kong utos sa kanya.
Nagpatuloy na nga kami sa aming pagkain at nagpatuloy pa rin siya sa kanyang pagdadaldal.
“Sige na, Jammy. Pailawin mo na!” tuwang-tuwa niyang utos sa akin.
Naririto na kami ngayon sa aking sala at pareho na kaming nasa harap ng Christmas tree na in-assemble niya.
“B-baka hindi magpatay-sindi..?” nauutal kong tanong dahil sa pag-aalala.
“Eh, ’di isasauli ko na lang sa pinagbilhan namin ni Lola! Papapalitan ko sa kanila ’pag sira ’yan! ’Pag hindi sila pumayag, ipapa-refund ko na lang ang pinambili namin! Gagamitin ko ang pagiging senior citizen ni Lola para pumayag sila!” sagot niyang nakangiti.
Kahit sinusubukan niya akong patawanin ay hindi ko magawa. Mas nangingibabaw pa rin sa akin ngayon ang pag-aalala.
“Sige na, Jammy! Kaya mo ’yan!” nakangiti niyang pangungumbinsi sa akin.
Dahan-dahan kong nilingon ang saksakan ng kuryente. Nakita ko ang panginginig ng aking kamay habang hawak ang plug at inihahanda ang pagpasok nito sa outlet.
Kahit may pagdadalawang-isip ay nagawa kong isaksak ang Christmas lights na iyon. Matapos iyon ay naiangat naming dalawa ni Kim ang aming mga paningin at nasilayan ang makukulay na ilaw ng Christmas lights.
Pero tulad nga ng inaasahan, hindi na naman nagpatay-sindi ang mga ilaw na gusto sanang makita ni Sam.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
Facebook: Cold Deeë
12.14.2018
Chapter 15
JAM’S POV
Napangiti ako nang mapait dahil nakita ko ang paglingon ni Kim sa akin habang malungkot ang kanyang mga mata.
“Jammy…” malungkot niyang pagtawag sa akin.
Mabilis kong isinuot ang aking pilit na ngiti at kinausap siya.
“Okay lang ’yan, Kim. Sanay na rin naman ako. ’Di ba, nga? Tatlong taon nang nangyayari ’to.” pagapapaalala ko sa kanya. Matapos iyon ay mabilis akong tumayo at nagtungo sa kusina upang hugasan ang aming mga pinagkainan. Iniwan ko si Kim na paulit-ulit pa rin na sinusubukang ayusin ang Christmas lights sa sala ng bahay ko. Naririnig ko pa siyang kinakausap ang bagay na iyon at alam kong kahit siya ay hindi makapaniwala dahil sa ngangyaring iyon.
Ilang beses pang sumubok si Kim na paganahin ang patay-sinding Christmas lights, pero sa huli ay mukhang sinukuan na rin niya iyon.
Nanatili pa siya rito sa aking bahay ng ilan pang sandali hanggang sa megdesisyon siyang umuwi sa kanila sa pag-aalalang baka hinahanap na rin daw siya ng kanyang Lola sa mga oras na ito.
Sumapit pa ang tanghali at nagulat ako sa biglang pagbisita ni Lola Tasing sa bahay ko.
“Jam, apo, pwede mo ba akong samahan mamayang hapon sa plaza? Wala kasi akong makakasama at may mga kailangan akong bilhin.” nakangiti nitong bungad sa akin.
Hindi ko maiwasang matahimik ng ilang segundo dahil sa pagkasorpresa. Ito ang kauna-unahang beses na niyaya ako ni Lola Tasing kaya hindi agad ako nakapagbigay ng reaksyon sa kanya.
“Pasensiya ka na, Jam, kung ikaw ang niyaya ko, ha? Nasa galaan kasi ngayon ang apo ko. Kapag umaalis pa naman ’yon ng bahay, asahan mong gabi na rin ’yon makakabalik.” pakikipag-usap sa akin ni Lola Tasing.
Tumango ako sa kabila ng pagtataka ko pa rin.
“Okay lang naman po, Lola. Wala rin naman po akong gagawin dito sa bahay.” sagot ko na rito.
Wala na nga akong nagawa, pumayag din ako sa kahilingan niyang samahan ko siya pagsapit ng hapon. Ano pa bang magagawa ko kung ilang beses niya rin akong pinuntahan sa aking bahay para ipaalalang sasama ako sa kanya? Isa pa, nag-aalala rin ako sa matanda. Baka may mga gamit itong mabibigat at wala siyang makakatulong sa pagbubuhat.
“Nasaan po pala si Kim?” pasimple kong pagtatanong dito nang sumapit ang hapon upang magpunta kami sa plaza.
Napailing muna si Lola bago nito nagawang sumagot.
“Aba’y malay ko sa batang iyon! Lumayas na lang nang walang paalam! Ang laki nang bulas pero pasaway pa rin!” hindi napigilang himutok ni Lola.
Tanging pagtango na lamang ang aking nagawa bilang pag-intindi. Gusto mo mang mag-usisa pa, baka lalo lamang uminit ang ulo ni Lola dahil sa apo niya. Naisip kong ayos na rin ito para makabawi kay Lola Tasing. Naging napakabait naman nito sa akin simula pa noon. Madalas ako nitong bigyan ng ulam sa tuwing wala akong pasok sa trabaho. Siya rin ang nagbibilin sa mga tambay rito na bantayan ang aking bahay sa tuwing aalis ako. Maliit na pabor lamang ito kapalit ng mga kabutihan niyang iyon.
Narating namin ni Lola ang plaza na tinutukoy niya. Naaliw ako dahil may malaki palang bazaar dito ngayon bilang paghahanda sa nalalapit na Pasko. Marami na rin ang tao dahil ang karamihan ay dadaan muna rito bago magtungo sa simbahan na malapit dito.
Sari-sari ang maaari ditong mabili. Mayroong mga gamit at dekorasyon sa bahay, mga damit, at ganoon din ang iba’t ibang uri ng pagkain.
Habang abala kami sa paglilibot ni Lola ay nakuha ng aming atensyon ang isang paligsahan sa paramihan at pabilisan ng pagkain ng puto bumbong sa isang pwesto. Maraming tao ang naririto upang manood dahil sa kakaibang activity na ito.
“Manood tayo, Jam! Mukhang masaya roon!” biglang pagyaya sa akin ni Lola Tasing.
Tatanggi pa sana ako sa kanya dahil ayaw kong nakikipagsiksikan sa mga tao. Bukod sa hindi ako komportable, hindi ko maiwasan ang mainis dahil sa ingay ng paligid. Nawalan lamang ako ng pagkakataong magdahilan kay Lola dahil mabilis din nitong hinawakan ang aking kamay. Kasunod nito ay halos kaladkarin na niya ako para makipagsiksikan na nga sa kumpulan ng mga tao.
“Senior citizen ako! Paraanin n’yo ako! Matanda ako!” sigaw pa ni Lola sa bawat mga taong masisingitan namin dito.
Napailing na lamang ako dahil mabilis kaming nakarating sa unahan. Naging epektibo ang paggamit ni Lola Tasing sa kanyang pagiging senior citizen upang makaiwas kami sa pakikipagsiksikan.
Mula rito sa aming pwesto ay makikitang may mahabang mesa ang nakalatag sa bandang unahan. Sa ibabaw naman ng mesang iyon ay ang napakaraming puto bumbong na siyang kakainin ng mga kalahok sa paligsahan. Marami nang manlalaro ang naroon, pero ang pinakanakakuha ng aking atensyon ay ang manlalarong nasa gitna at kinakawayan na kami ngayon.
“Apo ko ’yan! Mananalo ’yan! Malakas kumain ’yan!” tuwang-tuwa na sigaw ni Lola Tasing mula sa aking tabi. “Jam, mag-cheer ka rin para galingan ni Kim!” sunod pa nitong utos sa akin.
Si Kim nga ang naroroon na sinisimulan na ang pagwa-warm up. Kakain lang naman siya ng puto bumbong pero kung maka-warm up ay animo’y isang bihasang atleta. Nakangiti pa siya sa amin ni Lola Tasing at kumikindat pa. Pabibo talaga.
“On your mark! Get set! Go!”
Nagsimula ang paligsahan at umalingawngaw ang sigawan.
“Jam! I-cheer mo naman ang apo ko!” utos sa akin ni Lola Tasing at hinawakan ang aking kamay para sapilitang iangat ito. “Apo ko ’yan! Apo ko ’yan!” sigaw pa nito kay Kim.
Siguro naman ay walang masama kung makikisigaw rin ako. Isa pa, wala rin naman akong choice dahil paulit-ulit din akong inuutusan ni Lola Tasing para gawin ito.
“Kim!!!” sigaw kong umaalingawngaw. “Kapag hindi ka nanalo, hindi na rin kita kakausapin!!!” dugtong ko pa at halos maputol na ang litid ko.
Nasaksihan ko kung paanong saglit na natigilan si Kim at napatingin sa akin. Kasunod nito ay naging napakabilis ang ginawa niyang pagkain sa kakanin.
Natapos ang paligsahan. At tulad ng inaasahan, ang impakto ang nanalo sa paligsahan.
“Jammy! Para sa ’yo! Para talaga sa ’yo ang prize na nakuha ko!” masiglang pakikipag-usap sa akin ni Kim nang matapos ang palaro. Iniaabot din nito sa akin ang isang may katamtamang laki ng kahon.
Naririto kami sa isang mahabang silya nitong lugar at hinihintay na lamang si Lola Tasing na ngayon ay nakikipag-usap sa isang kaibigan. Nagkataon kasi na sila ay nagkasalubungan at mukhang matagal silang hindi nagkita kaya masigla silang nagkukumustahan.
“Ano ’to?” tanong ko nang mabuksan ko ang nasa loob ng kahon.
“Snow globe.”
“Alam kong snow globe ’to! Ito lang ang prize na nakuha mo sa pagsali mo sa contest? Eh, halos masuka-suka ka na sa dami ng kinain mo, ah? Pwede ka naman bumili nito kung tutuusin. Bakit nagpakahirap ka pa?!”
Napakamot siya ng kanyang ulo at tila nahihiyang tiningnan ako.
“Ayaw mo ba?” tanong nito sa akin sa mahinang tono.
Bigla naman akong nakaramdam ng pagkakonsensiya lalo na nang mapayuko siya.
“H-hindi naman sa gano’n. Ang akin lang, mukha ka nang may LBM kanina habang inuubos ang puto bumbong.” pagdadahilan ko sa kanya. Sa pagkakataong ito ay naging mahinahon na rin ako.
Sa wakas ay nagbalik ang kanyang sigla.
“Ang sarap naman pakinggan na parang nag-aalala ka, Jammy!” wika nito na may malawak na pagkakangiti.
Napalunok ako. Naramdaman ko rin na nag-init ang pisngi ko. Iniwas ko na lamang ang aking tingin sa kanya upang hindi niya makita ang aking pamumula.
“Asa ka pang impakto ka,” pagsusungit ko na lang sa kanya. “S-salamat…” nauutal ko pang dugtong sa boses na napakahina.
May ilang minuto rin kaming walang imikan. Hindi ko alam kung ano ang kanyang ginagawa dahil nanatiling nakaiwas ang mga paningin ko sa kanya.
“Jammy,” pagtawag niya sa akin makalipas ang ilang sandali. “Uhmm… Hindi mo ba itatanong kung bakit gusto kong makuha ang prize na ’yan para ibigay sa ’yo?” sunod pa niyang pagtatanong sa akin.
Natigilan ako at napaisip sa sinabi nito. Bakit nga ba? Alam ko naman na kayang-kaya niyang bumili nito, pero bakit nga ba pinilit niyang kunin ito?
Hindi ako nakatugon, ngunit dahan-dahan ay tiningnan ko ang snow globe na hawak ko pa rin hanggang ngayon.
“Jammy, ang ganda niya, ’di ba? Kumikislap ang mga glitters sa loob niya. Para siyang umiilaw nang patay-sindi sa loob. Pinilit kong makuha ang prize na ’yan dahil umaasa akong lagi mo siyang titingnan. Gusto ko kasing makita ang pagkislap niyan sa mga mata mo. At kahit wala ka man Christmas lights na patay-sindi sa bahay mo, mayroon ka naman niyan na pwedeng maging dahilan ng pagngiti mo.”
Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay parang may bagay na nagbukas sa puso ko. Nakaramdam ako ng kaginhawaan nang marinig ko mula kay Kim ang mga salitang iyon.
Inangat ko nang dahan-dahan ang snow globe. Itinaas at ibinaba ko rin ito. At habang pinagmamasdan ko ang kumikinang na glitters na nasa loob ng snow globe, kusa ring gumuhit ang ngiti sa labi ko.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.15.2018
Chapter 16
JAM’S POV
Kinabukasan ay balik sa normal ang lahat. Naroon pa rin si Kim sa labas ng bahay at naghihintay sa akin tuwing papasok kami ng opisina.
“Guys, ilang araw na lang bago ang Christmas Party na natin. At bago ’yon dumating, siyempre, may bunutan tayo para sa exchange gift. At dahil may exchange gift nga, hindi mawawala ang Kris Kringle. Bring something soft bukas para sa ka-monito o ka-monita n’yo.” nakangiting pahayag ni Steff sa aming lahat.
Hindi ko maiwasang mapataas ng isang kilay sa kanya. Kunwari pa ang babaeng ito. Malamang ay nag-e-expect na naman siya ng isang sako ng marshmallow na kanyang paborito. Ginamit pa ang event na Christmas Party para lang makuha ang gusto.
“Ang gastos naman, Ms. Steff! Hindi ba pwedeng ’wag na lang? Magbibigay din naman tayo ng regalo sa Christmas Party, eh! Meganern pa talaga?” apila ng isa naming kasama. May punto naman siya.
“Nagrereklamo ka ba?! Kaya nga something soft lang ’di ba?! Isang beses ka lang magbibigay! Magdala kayo ng marshmallow para sa ka-monito n’yo bukas na bukas! Tapos ang usapan!” pagtataray ni Steff sa isa naming kasama.
Hindi nga ako nagkamali, iyon talaga ang dahilan niya — para sa nakakaumay na marshmallow niya.
Noong isang araw pa kami nagkaroon ng palabunutan. At kung sinu-suwerte ka nga naman, si Steff pa ang nabunot ko.
“Jammy, mauna ka na, ha? May bibilhin pa ako sa mall, eh. Mag-iingat ka sa pag-uwi.” nakangiting pagpapaalam sa akin ni Kim matapos ang panibagong araw ng aming pagtatrabaho.
Sasabihin ko sana sa kanyang sabay na lamang kaming lumabas dahil plano ko rin na bumili ng marshmallow para kay Steff, pero nakaramdam ako ng hiya dahil kitang-kita ko ang excitement sa kanya. Pakiramdam ko ay maiistorbo ko lang siya sa pamimili niya. Dahan-dahan na lamang akong tumango bilang pagsang-ayon sa kanya.
Mabilis na umalis si Kim sa aming opisina at naiwan akong nag-aayos pa rin ng aking gamit.
Habang sakay ng jeep patungo sa mall, hindi ko maipaliwanag dahil nakakaramdam ako ng kalungkutan. Pakiramdam ko ay may kulang. Hindi ko na rin dinadala ang aking earphones para makinig ng music simula nang nakakasabay ko si Kim sa biyahe kaya wala akong pampalipas-oras. Marahil ay naninibago ako dahil walang madaldal sa tabi ko.
Nang makarating ako sa mall ay dumiretso lamang ako sa supermarket para sa pakay kong marshmallow. Hindi na rin ako nagtagal pa roon kaya matapos ko iyon bilhin ay nagdesisyon na rin akong umuwi.
Ilang hakbang na lamang sana ay mararating ko na ang labasan ng mall, ngunit bago pa iyon mangyari ay natigilan ako nang makita ko ang imahe ni Kim na nakapila sa loob ng isang bookstore.
Pinagmasdan ko siyang mabuti mula sa aking pwesto. May hawak siyang isang box at makikintab na pambalot ng regalo habang nakapila sa counter na naroroon. Iyon marahil ang sinadya niya rito. Bumili siguro siya ng regalo para sa isang tao.
Sa halip na puntahan pa si Kim ay ipinagpatuloy ko na lamang ang aking paglalakad palabas. Hindi ko na tinawag ang kanyang atensyon dahil inisip kong ayaw niyang ipaalam ang bagay na iyon. Ngayon ay naging malinaw na sa akin kung bakit hindi niya ako niyayang magpunta rito sa mall — iyon ay para may privacy siya na makapamili ng regalo para sa ka-monito niya.
Hindi ko maintindihan sa aking sarili, pero nakaramdam ako ng inis dahil hindi ako isinama ni Kim.
“Bibili lang naman ng regalo, ayaw pa akong isama! Eh, ’di mag-isa ka!” bulong ko habang naglalakad palayo.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.16.2018
Chapter 17
JAM’S POV
Tulad ng nakagawian ay kasabay ko pa rin si Kim na pumasok sa aming trabaho. May dala siyang paper bag at may regalo sa loob. Napansin ko ang makintab na pambalot na ginamit niya roon. Iyon din ang pambalot na hawak niya kahapon nang makita ko siya sa mall.
Pagpasok pa lang ng opisina ay walang gana kong inabot kay Steff ang inaasahan niyang marshmallow. Hindi ko na iyon ibinalot dahil bubuksan niya rin naman iyon at sigurado akong alam na rin naman niyang marshmallow ang laman no’n.
“Oh my gosh, Jam! Ikaw pala ang nakabunot sa akin?! Buti na lang! Akala ko unan ang ibibigay ng nakabunot sa akin, eh!” tuwang-tuwang reaksyon ni Steff.
Tinaasan ko lamang siya ng isang kilay dahil doon. Nag-e-expect pa talaga siya na may magbibigay sa kanya ng unan? Eh, samantalang kahapon pa lang ay halos ipagsigawan na niyang dapat ay marshmallow ang dalhin para sa kanya.
Matapos kong iabot iyon kay Steff ay dumiretso na lamang ako sa aking mesa. Iniwan ko na ang lahat na nagkakagulo sa pagbibigay ng regalo para sa nabunot nila.
“Jammy!” pagtawag sa akin ni Kim nang makaupo na rin ito sa kanyang pwesto.
“Oh?” nakataas ang isang kilay ko pa rin na tugon. Sa hindi ko malamang dahilan, hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin ako ng inis dahil sa hindi niya sa akin pagyaya kahapon. Magkaharap ang aming pwesto at nag-uusap na naman kami mula sa gilid ng aming mga computer.
Pinagmasdan ko lamang siya hanggang sa yumuko ito na tila may kinukuha mula sa ilalim ng kanyang mesa.
Ilang sandali pa ay nangunot ang aking noo nang iabot niya sa akin ang regalong bitbit niya lang kanina. Ang regalo na halos kasing laki ng box ng cellphone at napakaganda ng pagkakabalot. May blue ribbon pa sa ibabaw nito.
“Ano ’to?” tanong kong nagtataka sa kanya.
Nagkamot muna siya ng batok na tila nahihiya.
“Ikaw kasi ang nabunot ko, eh. Kaya nga hindi kita isinama sa mall kahapon para bilhin ’yan.” sagot niya sa akin.
Hindi ako nakapagsalita. Ngayon ay naging malinaw na rin sa akin kung bakit hindi niya ako niyayang sumama kapon — iyon pala ay pangalan ko ang kanyang nabunot.
Habang nakatingin lamang ako kay Kim, tinatanong ko na rin ang aking sarili kung bakit kailangang ganito pa kaganda ang pagkakabalot ng regalo? Eh, samantalang pwede namang simple lang o kaya naman ay ibigay na lamang niya sa akin nang walang balot.
“Buksan mo na, Jammy!” atat na atat niyang utos.
Wala na nga akong nagawa. Maingat kong binuksan ang regalo. Tila ba nanghihinayang ako na may masira ako sa magandang pagkakabalot nito.
Nang tuluyan ko itong mabuksan ay rumehistrong ang pagtataka mula sa akin.
“Ano ’to?!” tanong ko na naman sa kanyang puno ng pagtataka habang hawak ang laman ng regalo niya.
“Puso ko!” sagot niyang nakangiti.
Nagdikit ang mga ngipin ko dahil sa pamimilosopo niya.
“Gusto mong ibato ko ’to sa ’yo?!” naiirita ko nang pagbabanta.
“De joke lang! Stress ball ’yan!” mabilis naman niyang pagbawi sa kanyang sagot.
Ibinalik ko ang aking tingin sa stress ball na hawak ko. Kulay pula ito at hugis puso.
Ilang segundo ko rin iyong tinitigan, at matapos iyon ay unti-unti kong ibinalik ang aking tingin sa lalaking nanatiling nakangiti sa aking harapan.
“Pffft!” ang pagpigil ko sana sa aking pagtawa ngunit hindi ko rin napigilang ibuga.
“Bakit ka natatawa, Jammy?! Hindi ba maganda ang regalo ko?! Hindi mo ba nagustuhan?!” tanong niyang tila iiyak na sa paglipas lamang ng mga segundo.
Tuloy-tuloy lang naman ako sa malakas na pagtawa nang sagutin ko siya.
“Eh, paano naman kasi! Mas mahal pa ’yung pambalot na nabili mo kesa dito, eh! Saka may parang pillow pa sa loob ng box na akala mo korona ang laman na hindi pwedeng magasgasan! ’Yung totoo, Kim?! Ingat na ingat sa stress ball?!” natatawa kong paliwanag sa kanya.
“Aba, natural! Puso ko ’yan, eh! Dapat lang talagang ingatan ’yan!” pagdadahilan niya sa akin na tila naiinis.
Dahil sa nakita kong reaksyon mula sa kanya, isang ideya ang pumasok sa aking isip.
“Ah, talaga? Puso mo ’to?” tanong kong natatawa pa rin sa kanya.
Sa wakas ay ngumiti na siya.
“Oo! Binibigay ko na sa ’yo. Ingatan mo ha?!” sagot niya at mas naging matamis ang kanyang pagkakangiti.
Pinakalma ko muna ang aking sarili bago isinakatuparan ang aking nasa isip. Mula sa pagkakatitig sa kanya ay muli kong tiningnan ang stress ball na nasa kamay ko. Alam kong sinusundan niya rin ang ang bawat kilos ko, kaya nang makita kong tiningnan niya rin ang stress ball na nasa aking kamay ay unti-unti kong piniga iyon. Paulit-ulit at ipinakita ko sa kanyang nag-e-enjoy ako sa ginagawa kong pagpiga sa sinasabi niyang kanyang puso.
Ilang sandali pa ay nakita ko ang pagpisil niya sa kanyang kanang dibdib.
“Ouch! Grabe naman ’yon! ’Wag mo naman akong paulit-ulit na saktan nang ganyan!” pagda-drama niya na animo’y mahusay na artista.
Hindi ko na naman napigilan ang matawa nang malakas dahil sa pag-iinarte niya. Akala mo ay totoong puso niya ang aking pinipiga.
Patuloy lamang ako sa pagtawa hanggang sa sabayan niya rin ako. Mukhang natatawa rin siya dahil sa sariling kalokohan nito.
Ilang sandali pa ay napansin ko ang katahimikan sa loob ng opisina. Tanging ang mga tawa na lamang namin ni Kim ang naririnig sa buong lugar. Dahil dito ay napatigil ako maging si Kim. At nang lingunin ko ang aming mga kasama ay nakangiti na pala silang lahat na pinapanood kami.
Hinanap ng mga mata ko si Steff. Hindi naman ako nahirapan dahil naroon lang siya malapit sa aming pwesto — naroon siya habang nakangiti na sinasabayan ng kanyang mga luhang ang sanhi ay kaligayahan. Dahil sa loob ng nakalipas na tatlong taon, ngayon niya lamang ako muling nakitang ganito ang reaksyon.
Dahil sa nangyari ay nakaramdam ako ng hiya. Mabilis akong kumilos at ibinalik ang sarili sa pagtatrabaho upang sa kanila ay makaiwas. Sinimulan ko ang pagtatrabaho habang nasa aking kamay ang stressball na si Kim ang nagbigay.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.17.2018
Chapter 18
JAM’S POV
“Lola!” masiglang salubong ni Kim sa kanyang Lola at humalik sa noo nito. Nagtapos na naman ang panibagong araw at sabay ulit kaming umuwi sa kanya-kanyang tinutuluyan namin nito.
“Mano po, Lola.” pagbati ko naman kay Lola Tasing. Ang bagay na ito ay bago sa akin. Noon ay yumuyuko lamang ako sa kanya bilang pagbati at mabilis rin siyang lalampasan. Kahit ang magsalita ay hindi ko ginagawa tuwing kami ay magkakasalubungan.
“Kaawaan kayo, mga apo.” nakangiting pagbati naman sa amin ng matanda.
“Saan po kayo pupunta, Lola?” tanong ni Kim.
“Magsisimba sana ako. Ngayon ang simula ng simbang gabi sa plaza.” sagot naman ni Lola.
“Luh? ’Di ba, dapat mamayang madaling araw pa ’yon?” tanong ni Kim sa kanya.
Sinimangutan naman siya ni Lola dahil sa katanungan niyang iyon.
“Palibhasa hindi ka na nagsisimba! Kaya hindi mo alam na may simba rin sa gabi na magsisimula ngayon! Hindi ako pwede sa madaling araw dahil delikado at wala akong makakasama! Kaya ngayon ko lang pwedeng gawin ito!” sermon sa kanya ni Lola. Sinabayan pa ito ng kurot sa tagiliran ng apo niya.
Nagkamot na naman ng batok si Kim dahil sa hiya. Ikaw ba naman ang masermonan dito sa tabi ng kalsada at marami ang nakakakita.
“Lola, naman, eh…” nahihiyang reklamo na lamang ni Kim.
“Lola, lola! Hala, magbihis ka! Sumama ka sa akin magsimba nang mabawasan naman ’yang mga kasalanan mong bata ka!”
“Eh, Lola inaantok ako, eh… Nakita n’yo naman na busy ako sa pagbalot ng regalo kagabi, ’di ba? Kulang pa ako sa tulog. Saka may mga amiga na kayong makakasama. May magbabantay na sa inyo.”
Para akong nanonood ng sine habang nagsasagutan silang dalawa.
“Sumama ka! Isang oras lang ang hinihingi para makapagsimba ka, nagrereklamo ka pa?!”
Akmang kukurutin na naman ni Lola Tasing si Kim ay inawat ko na sila.
“Ah, Lola! Kung gusto n’yo po, ako na lang ang sasama sa inyo?” alok ko habang hawak ang kanyang kamay mula sa tangka niyang pagkurot kay Kim.
Mabilis silang napalingon sa akin. Napansin ko pa na nanlaki ang mga mata ni Kim nang ako ay kanyang lingunin. Base rin sa reaksyon ni Lola Tasing, tila ba ngayon niya lang naalala na ako ay naririto rin. Masyado siyang nadala sa labis na inis kay Kim.
“Talaga ba, Jam?” tuwang-tuwang paniniguro ni Lola sa akin.
Ngumiti naman ako sa kanya.
“Opo. Hintayin n’yo lang po ako para makapagbihis saglit.” pakiusap ko sa kanya.
“Ah, sige, apo. Doon na lang din kita hintayin, ha?” sagot niya habang itinuturo ang tindahan dito sa aming street.
Matapos ang aming maikling usapan ay mabilis na rin akong naglakad pauwi sa aking bahay. Habang nagbibihis ay inalala ko kung kailan nga ba ako huling nagsimbang-gabi?
Napangiti ako nang sa wakas ay maalala ko. Iyon ay noong naririto pa si Sam — noong nabubuhay pa ito.
“Tara na po, Lola?” pagyaya ko sa matanda matapos akong makapaghanda.
“Salamat Jam, ha?” nakangiti nitong sambit habang naglalakad kami.
“Walang anuman po.”
Bago kami makarating ng simbahan ay kailangan muna naming mag-abang ng masasakyang tricycle sa kanto ng aming street. Ngunit bago pa namin marating ang kantong iyon ay napahinto kami ni Lola nang may pagsigaw kaming narinig.
“Ang bagal n’yo naman! Kanina pa naghihintay ’tong tricycle, oh!”
Hindi ko naiwasang masorpresa at alam kong kitang-kita iyon sa aking mukha. Ang akala ko ba ay inaantok siya? Anong ginagawa niya rito at bihis na bihis pa?
“Lola, akala ko po ba hindi ’yan sasama? Inaantok daw po siya, ’di ba?” tanong ko habang tinuturo si Kim na naroon na sa isang tricycle.
Natawa ang matanda sa inasal ko.
“Kaya nga ako nagpapasalamat sa ’yo, Jam. Salamat.” makahulugan niyang sagot at nagpatuloy na rin sa kanyang paglalakad. Wala naman akong nagawa kundi ang sundan siya habang nagtataka pa rin dahil sa sinabi niya.
Nagsimula ang misa at napapansin kong paminsan-minsan ay napapapikit si Kim na nasa aking tabi. Seryoso nga siya na talagang antok na antok siya. Paminsan-minsan ko siyang sinisiko para gisingin lang. Hindi naman siya magawang sawayin ni Lola dahil napapagitnaan nila akong dalawa. Hindi siya matanaw ni Lola dahil taimtim din itong nagdarasal.
Dumating ang oras para sa ‘Ama Namin’ kaya kinakailangan naming tumayo at maghawak ng mga kamay. Una kong inabot ang kamay ni Lola Tasing, ngunit hindi pa kami tuluyang nakakaayos ng pwesto nito ay mabilis naman na kinuha ni Kim ang isa ko pang kamay.
Magpasalamat talaga ’to at nasa simbahan kami. Dahil kung hindi, masusungitan ko na naman ’to. Ang kulit, eh!
Nagsimula kaming sabayan ang pagkanta habang nakaangat ang aming mga kamay na magkahawak, ngunit wala pa sa kalagitnaan ng aming pag-awit ay nagulat akong inayos ni Kim ang aming kamay na magkahawak. Sa halip na simpleng hawak lang ay pinag-sakop niya ang aming mga kamay. Mahigpit ang kanyang pagkapit na animo’y hindi niya pakakawalan sa mga oras na magdaraan.
Nilingon ko si Kim habang nanlilisik ang aking mga mata, ngunit natagpuan ko na lamang siyang nakapikit habang sinasabayan ang kanta. Dahil doon ay nakaramdam ako ng hiya. Nagmukha kasi akong hindi nagko-concentrate sa misa. Sinubukan ko naman ang makawala, ngunit sa bawat aking pagtatangka ay mas humihigpit lamang ang pagkakahawak niya.
Wala na naman akong nagawa. Hindi ko naman magawang magsalita upang pagsabihan siya sa kakulitan dahil kami ay nasa simbahan. Inisip ko na lamang na matatapos din naman ang kanta kaya bibitiw na rin siya.
Natapos ang aming pagkanta, pero parang gusto kong magsisi sa huling sinabi ko. Hanggang ngayon, mahigpit pa rin na hawak ni Kim ang kamay ko. Ang nakakainis pa, abot-tainga ang ngiti nito. Wala na rin bakas sa kanya ang antok.
Naiinis na talaga ako sa kakulitan niya, kaya kahit nasa simbahan kami ay hindi ko na napigilan ang aking sarili na kurutin ang braso niya. Mabuti na lang at nakabitiw na sa akin si Lola kaya madali ko rin iyon na nagawa.
“A-araayyy…” mahinang pagdaing ni Kim habang hawak ang parte ng kanyang braso na nakatanggap ng pananakit ko. Naging dahilan din iyon para makabitiw siya sa kamay ko.
Hindi ko mapigilan ang maglabas ng mahinang pagtawa habang nakikita siya ngayong pinipigilan ang sarili na makagawa ng ingay. Namimilipit siya sa sakit at bahagya pang nakayuko.
“Sssshhh….” ang biglang pagsaway sa amin ni Lola Tasing mula sa aking tabi.
Sinikap kong pinigilan ang aking pagtawa, si Kim naman ay napasimangot habang hawak pa rin ang parte ng braso niyang kinurot ko.
Ito ang unang simbang gabi namin ni Kim na magkasama bago sumapit ang araw ng Pasko. Ang unang simbang gabi rin na iyon ay nasundan pa ng ilan pang mga gabi. At sa bawat gabing kami ay magkakasama, hindi rin nawawala ang mga pangyayaring napakasaya.
Paulit-ulit din ang pagkakataon na umuuwi ako sa bahay na natatawa habang inaalala ang senaryo sa pagitan namin ni Kim. Tuwing siya ay mangungulit ay pinagagalitan ko ito. Animo’y nagiging maamong tupa naman siya dahil mabilis itong mapasunod. At tuwing nakikita ko ang kanyang reaksyon, sa huli ay matatawa na rin ako. Nababalewala tuloy ang pagsusungit ko.
Hindi pa iyon doon nagtapos, dahil sa mga sumunod na araw ay madalas na siyang nagpupunta sa bahay ko. Kung minsan ay hindi na nga niya nagagawang kumatok at dumidiretso lamang sa pagpasok. At home na at home na nga ang loko.
Natutunan na rin niya ang kumain ng kanin sa umaga bilang almusal bago kami pumasok. Hindi rin kasi ako pumapayag na pinapanood niya lamang ako sa pag-aalmusal ko. Kaya heto, sa bawat umagang darating ay sinisiguro ko rin na ang aking lulutuin ay sapat para sa dalawang tao. Kung minsan nga ay nagbibigay pa kami kay Lola Tasing na tuwang-tuwa at sarap na sarap naman sa niluluto ko.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.18.2018
Chapter 19
JAM’S POV
“Jam, kailangan n’yo nang bisitahin ni Kim ang venue. Kailangan n’yo nang ma-check kung nasusunod ba ng contractor ang materials na nasa proposal nila. Mahirap na, baka ginugulangan nila tayo?” utos sa akin ni Steff sa telepono.
“Sige, papunta na rin kami. Magpagaling ka na lang.” sagot ko naman sa kanya at ibinaba na rin ang tawag.
“Anong sabi?” tanong sa akin ni Kim.
“Puntahan na raw natin.” sagot ko naman sa kanya.
“Tara tara!!” masigla naman niyang sambit.
Tingnan mo ang lalaking ’to. Ngayon lang ako nakakita ng member ng department na ’to na excited ma-assign sa field. Kami nga, iwas na iwas dahil nakakapagod ang biyahe. Pero siya, galak na galak pa.
Papunta kami sa venue ng malaking event ng aming company para bisitahin ang designs na ise-set up sa stage ng aming contractor. Para ito sa gaganaping yearly Christmas Hair Show ng aming kompanya.
Lahat ng miyembro ng aming kompanya ay magpupunta rito sa susunod na araw. Darating ang mga executives pati na rin ang mga humahawak sa mga branches ng aming kompanya sa bawat sulok ng bansa.
Si Steff dapat ang mamamahala rito ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niyang magpahinga sa kanyang bahay. Sinakitan kasi siya ng tiyan dahil sa ilang araw ng pagkain ng paborito niyang marshmallow. At dahil ako ang isa sa mga pioneer dito ay ako ang inatasan niyang pumalit sa kanya pansamantala. Pero ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit kailangan niya pang isama sa akin si Kim na bago lang naman sa aming kompanya.
Nang makarating kami sa lugar kung saan gaganapin ang event ay agad akong nagsagawa ng inspection sa mga gagamiting materials sa stage. Kasama ko ang babaeng head ng aming contractor at nasa likuran ko lamang si Kim na sinusundan lang ang mga pagkilos ko.
Habang tumatagal na kami ay nagsasagawa ng inspection sa lugar ay napapansin kong hindi nasusunod ang nasa aming kontrata.
“Parang hindi yata ito ang napagkasunduan n’yo nina Ms. Steff? ’Di ba, ang nakalagay sa kontrata is digital screen ang gagamitin sa background? Bakit white screen lang ang nandiyan sa likod?” tanong ko sa babae.
Inikutan lang ako ng mata ng babaeng kausap ko bago ito sumagot.
“Mahirap nang sumugal sa digital screen na ’yan. Who knows kung magkaroon ng technical error? Eh, ’di lalong nagkaproblema!” sagot niyang nakasimangot.
Nakaramdam ako ng inis sa paraan niya ng pagsasalita ngunit nagtimpi ako. Palibhasa kasi ay alam niyang representative lang kami kaya siguro ganito niya ako pakitunguhan.
“Eh, ’yung sounds and lights na gagamitin dito sa stage? Bakit iba na ngayon ang nagse-set up?” tanong kong muli sa kanya. Napansin ko kasing iba ang pangalan ng company na nasa kontrata. Pero nang makita ko ang uniform ng mga nag-aayos ay hindi sila ang mga taong ine-expect ko. Pakiramdam ko talaga ay tinitipid kami ng contractor na ito.
“Pareho lang ’yan. Iisa lang naman ang quality ng lights and sounds nila.” sagot na naman sa akin ng babae at umirap pa.
Dahil dito ay hindi ko na napigilang ilabas ang inis ko. Ang pinakaayaw ko sa lahat ay may ipinagkatiwala sa aking isang trabaho pero hindi ko ito magagampanan nang maayos.
“Nasaan ba ang Manager mo?! Siya na lang ang kakausapin ko! Nakakairita kang kausap, eh! Wala akong makuhang magandang sagot galing sa ’yo!” bigla kong pagbulyaw sa kanya.
Nagulat ang babaeng kausap ko kaya naman hindi rin siya agad na nakasagot sa akin.
Maayos akong nakikipag-usap lalo na sa mga ganitong bagay dahil ayaw kong may masasabi sa akin ang mga boss ko. Pero kung ganito rin naman ako pakikitungunguhan ay pasensiyahan na lang. Ang gusto ko lang naman ay matapos nang maayos ang ibinigay sa aking trabaho.
Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang paghawak ni Kim sa aking balikat. Salubong pa rin ang mga mata kong nilingon siya mula sa aking likuran.
“Hey, relax!” wika niyang nakangiti sa akin.
Relax?! Paano ako makakapag-relax kung ganito ang nangyayari ngayon?!
“Sir, mabuti po at nandiyan kayo. Awatin n’yo ’yang kasama mo. Pwede niya naman akong kausapin nang maayos, ’di ba?” sabat ng babaeng sinigawan ko.
Nagdidikit ang mga ngipin kong nilingon muli ang babae. At kung kanina ay halos mawala na ang itim niya sa kanyang mata dahil sa kaiirap sa akin, ngayon naman ay akala mo kung sinong maamong tupa. Kanina ko pa rin napapansin na si Kim lang ang kinakausap niya nang maayos. Samantalang ako itong maraming tanong sa kanya pero tipid lang ang kanyang mga isinasagot.
Kanina ko pa rin pinipigilan ang aking inis habang inoobserbahan ang mga tingin niya kay Kim. Halatang nagpapa-cute siya rito at napapapansin.
“Miss, bakit nga ba hindi digital screen ang ilalagay sa likod?” nakangiting tanong ni Kim sa babae.
“Uhm… Kasi, Sir, ’yon po ang advise ng Manager namin. Kung may tanong naman po kayo sa bagay na ’yon, pwede ko po kayong samahan para personal n’yo siyang makausap.” magalang nitong sagot kay Kim.
Napapikit ako dahil sa sobrang inis. Akmang sisigawan ko na naman sana ang babaeng ito nang matigilan din ako dahil sa sumunod na nangyari.
“Eh, ’di sana, kanina mo pa sinabi sa amin, ’di ba?!! Hindi mo na sana sinayang ang oras namin sa pag-iikot dito! Kung ano-anong walang kwentang bagay pa ang sinasagot mo sa kasama ko!! Sa tingin mo ba nagpunta kami rito para makipaglaro sa ’yo?!! Nasaan ang manager mo?! Ihatid mo kami ngayon sa kanya!” sigaw ni Kim na umalingawngaw sa buong venue.
Gulat na gulat ako sa kanyang ginawa. Ang akala ko kasi ay pa-easy-easy lang ito kanina. Panay lang kasi ang tingin niya sa paligid na animo’y walang pakialam sa nagaganap, pero heto siya ngayon at halos magwala na.
Nagulat din ang babaeng kausap namin. Kahit ang ilang taong naririto ay napatingin na rin sa amin dahil sa ginawang pagsigaw ni Kim.
“Sagot!! Nasaan siya?!!” muli pang pagsigaw ni Kim sa babaeng animo’y natuklaw na ngayon ng ahas.
“S-sandali lang po… T-tatawagan ko…” natatarantang sagot ng babae.
Matapos iyon ay kumilos si Kim para naman puntahan ang mga construction workers ng kasalukuyang nagpupukpok sa stage.
“Kayo naman diyan! Nasaan ang lima n’yo pang mga kasama?! Fifteen kayong nakatoka dito, ’di ba?! Bakit sampu lang kayo ngayon diyan?! Paano matatapos agad ang trabaho kung wala ang iba?!” sigaw na nga nito sa mga manggagawa.
Wala na nga akong nagawa kundi ang manahimik na lang. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nasaksihan.
Nakakatakot palang galitin ang lalaking ito. Sa likod ng kanyang mga mala-anghel na ngiti at tawa, nagtatago pala ang isa niyang katangian na parang halimaw.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.19.2018
Chapter 20
JAM’S POV
Ganoon na nga ang nangyari. Kung kanina ay siya lang ang sunod nang sunod sa akin, ngayon naman ay ako na itong tahimik sa kanyang likuran at pinapakinggan lang ang pagsigaw niya sa bawat nakikitang mali.
Hindi ko akalain na sa kabila ng pagiging isip-bata niya ay may ganitong ugali siya pagdating sa trabaho. Kaya pala siya ang isinama sa akin ni Steff dahil alam niyang may ganitong katangian si Kim. Magaling kasi si Steff sa pagpili ng kanyang mga makakasama sa team.
Natapos ang araw at kinailangan na naming umuwi. Napag-usapan namin na didiretso na lamang kami sa simbahan upang makahabol sa misa.
Habang nandito kami sa bus ay hawak ko ang aking notebook at dini-discuss ko kay Kim ang mga nakikita kong development sa pagse-set up ng event. Sinabi kasi ni Steff na siya na ang magtutuloy nito bukas kaya kailangan ko rin sa kanyang itawag ito. Nasa tabi ko naman si Kim na nananahimik lang ngayon.
“Doon sa backstage, nakaset-up na rin ang dressing room para sa mga models. Palagay mo, okay lang kaya na mas malaki ang space para sa mga babae kesa sa mga lalake? Tutal naman, mas marami ang female models natin, ’di ba?” tanong ko sa kanya.
Ilang segundo akong naghintay ng sagot, ngunit nang lingunin ko siya ay nakapikit na pala ang mga mata nito. Hindi pala niya ako pinapakinggan dahil mahimbing na siyang natutulog.
Gusto ko siyang pagtawanan. Siguro ay napagod siya sa kasisigaw kanina sa venue? Kaya heto, hindi na napigil ang sariling makatulog.
Ngayon ko lamang napagmasdan si Kim nang malapitan. Napansin kong mahaba rin pala ang kanyang mga pilik mata. Para siyang anghel sa mga oras na ito dahil napakaamo ng kanyang mukha. Kung pagmamasdan mo siya ay aakalain mong napakatahimik niya, pero ’pag nagising ito ay napaka-ingay naman.
Habang nakatitig ako sa kanya ay naramdaman ko na naman ang kakaibang kabog ng aking dibdib. Muli ko na namang kinapa ito dahil gusto kong kontrolin ang mabilis na pagtibok ng nasa loob nito.
Alam ko ang pakiramdam na ito. Hindi na sa akin ito bago. Pamilyar ang pakiramdam dahil minsan ko na itong naranasan. At ito — ito ay noong mga panahon na nakilala at nakakasama ko pa si Sam.
“Hindi pwede.” bulong ko sa aking sarili habang kapa ang aking dibdib.
Nasa ganoon akong pag-iisip nang biglang nagpreno ang bus na sinasakyan namin. Naging dahilan tuloy ito ng paggalaw ni Kim at hindi sinasadyang maisandal ang kanyang ulo sa aking balikat.
Mas lalong dumoble ang bilis ng takbo ng aking puso habang ang kanyang ulo ay halos nakadikit na sa mukha ko. Amoy na amoy ko pa ang bango ng kanyang buhok.
Naestatwa ako, ngunit napapitlag din ako nang marinig ko siyang magsalita habang nakapikit at nakasandal pa rin sa balikat ko.
“Ang bilis…” mahina niyang sambit ngunit sapat lang para marinig ko.
“H-ha?” nauutal kong reaksyon.
“Ang bilis, Jam… Ang bilis ng pintig ng puso mo…” sagot niya sa akin.
Hindi ako nakapagsalita dahil sa pagkabigla. Ngayon ay naging triple na rin ang pagtibok ng aking puso at alam kong naririnig niya na naman ito dahil nanatili siyang nakasandal sa aking balikat.
“Sana, Jam…” sambit niyang muli at saglit na tumigil. “….sana ako ang dahilan niyan.” pagpapatuloy niya pa.
Napalunok ako sa kanyang sinabi. Mabilis kong iniwas ang aking tingin sa kanya at tiningnan na lamang ang mga sasakyang nasa labas ng bintana nitong bus.
“M-matulog ka na nga lang diyan. Ang dami mong alam.” nauutal kong pambabara sa kanya.
Nang gabing iyon ay hindi na ako pinatahimik ng bagay na iyon. Naging dahilan tuloy ito ng mas pananahimik ko.
Kahit noong nagsimba kami ay hindi ko siya gaanong kinausap. Sa kauna-unahang pagsisimba rin namin ay umiwas akong makatabi siya sa upuan.
Alam kong nagtataka na siya, pero mas pinili niyang magpakita na normal lang ang lahat at walang napapansin sa aking kakaiba.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
Ilang araw pa ang lumipas at apat na araw na lamang ay darating na ang inaabangan ng lahat. Ang pagdiriwang ng Noche Buena upang salubungin ang Kapaskuhan. At sa loob ng mga nagdaang araw na iyon ay nagbago rin ang pakikitungo ko kay Kim.
Nagbalik ako sa dati na hindi siya tinatapunan ng tingin. Kahit ang sagutin siya sa kanyang mga katanungan ay hindi ko na ginagawa. Ibinalik ko nang muli ang pagsusuot ng earphones sa aking tainga sa tuwing magbibiyahe kami. Ito na rin ang huling araw na papasok kami sa aming trabaho para magbakasyon. Babalik na lamang kami matapos ang Bagong Taon.
Bukas ay nakatakda kaming magkita-kita ng aking mga kasama sa department upang isagawa ang aming Christmas Party. Sa isang bar na lamang nila napagkasunduang gawin iyon. Ngunit tulad ng aking nakasanayan, nagdesisyon na naman akong hindi sasama tulad sa mga nakalipas na tatlong taon.
Nabawasan ang ingay ni Kim sa opisina. Nagbalik din siya sa pagsilip-silip na lamang sa gilid ng aking computer. Alam kong gusto na niya na akong tanungin, pero hindi lang siya makatiyempo sa akin.
Nakakakita ako ng lungkot sa kanyang mga mata. Nakikita ko rin iyon maging sa mga galaw niya. At sa tuwing kakausapin niya naman ako ay pinipilit niya ang kanyang sarili na maging masigla.
Alam ko iyon. Nararamdaman ko iyon. Dahil sa tuwing nakikita ko ang kalungkutan niya ay doble ang sakit na nararamdaman ko — bagay na mas kailangang iwasan ko.
Habang pauwi kami at nakasakay sa bus ay magkaharap ang aming pwesto habang nakatayo. Hindi ko rin suot ang aking earphones. Sa hindi ko malamang dahilan ay hindi ko ito matagpuan sa aking mesa noong nag-CR ako kanina sa opisina.
Habang nasa kalagitnaan ng traffic ay may nadaanan kaming tindahan ng mga parol na sinasabitan ng iba’t ibang uri ng Christmas lights. Hindi ko maalis ang aking mata sa mga iyon dahil sa patay-sindi nitong mga ilaw.
Napansin ko rin na nilingon ang mga iyon ni Kim ngunit ibinalik niyang muli ang kanyang tingin sa akin.
“Ang ganda nila, ’no..?” biglang pagtatanong ni Kim sa akin.
Naramdaman ko na naman ang lungkot ng kanyang boses.
Hindi ko siya sinagot. Nanatili akong nakatingin sa mga patay-sinding parol at Christmas lights na nasa labas.
“Pero mas gusto ko silang tingnan sa mga mata mo, Jam… ’Pag nagre-reflect ang patay-sinding ilaw nila na sinasalamin ng mga mata mo, mas maganda silang tingnan…”
Nang sabihin niya iyon ay literal na nanlaki ang mga mata ko at napalingon ako sa kanya.
Ang mga salitang binigkas niya, iyon din ang eksaktong dahilan ni Sam noong nabubuhay pa siya. Kaya naman gustong-gusto rin niyang makita ang mga patay-sinding ilaw.
Hindi ko kailanman sinabi ang bagay na iyon kay Kim. Hindi ko sa kanya nabanggit ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang kagustuhan kong magpatay-sindi ang mga Christmas lights sa aking bakuran.
Naging saksi ako sa lungkot ng mga mata ni Kim, pero nang makabawi ako ay agad kong iniwas muli sa kanya ang aking paningin. Tinalikuran ko siya at nag-iba ako ng pwesto dahil baka hindi ko rin kayanin.
Nakauwi kami sa aming lugar na walang namamagitang usapan. Nasa bahay lang ako at nakaupo sa aking sofa. Nakatulala habang pinagmamasdan ang Christmas tree na nilagay ni Kim dito sa loob ng aking bahay. Naroon pa rin ang iba’t ibang kulay ng Christmas lights na kanyang inilagay at hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapatay-sindi ang mga ilaw.
Nasa ganoon akong tagpo nang makarinig ako ng mahihinang pagkatok mula sa pintuan nitong bahay ko.
Inaasahan ko nang pupunta siya ngayon, pero sa tuwing mararamdaman ko ang kanyang presensya ay hindi ko pa rin maiwasan ang pagbilis ng pagtibok ng aking puso.
“Jammy…” nakangiti ngunit walang sigla niyang pagtawag sa akin nang mapagbuksan ko siya ng pintuan. Sa pamamagitan ng mga ilaw na nagmumula sa Christmas lights na nasa aking bakuran, malinaw kong nakikita ang labis niyang kalungkutan.
Ito na marahil ang aking pagkakataon. Ito na siguro ang tamang panahon. Ito na yata ang oras para itigil at umiwas sa mga kaganapan na posibleng makasakit sa aming pareho.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.20.2018
Chapter 21
JAM’S POV
“Jammy…” nakangiti ngunit walang sigla niyang pagtawag sa akin nang mapagbuksan ko siya ng pintuan. Sa pamamagitan ng mga ilaw na nagmumula sa Christmas lights na nasa aking bakuran, malinaw kong nakikita ang labis niyang kalungkutan.
Ito na marahil ang aking pagkakataon. Ito na siguro ang tamang panahon. Ito na yata ang oras para itigil at umiwas sa mga kaganapan na posibleng makasakit sa aming pareho.
Ibinaling ko sa iba ang aking tingin.
“B-bakit?” tanong kong kinakabahan.
“Bakit hindi ka pa nakabihis..? Magsisimbang-gabi na tayo, ’di ba..?” tanong niyang muli.
“Hindi na ako sasama.” malamig kong tugon.
Ito ang isa sa nabuo kong mga desisyon. Hindi na ako sasama sa ilang araw na nakasanayan naming pagsisimba.
Ilang segundo siyang natahimik, at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya magawang lingunin.
“Bakit, Jam..?” malungkot niyang tanong makalipas ang ilang segundong katahimikan.
“Simple lang. Dahil ayaw ko lang. Sasamahan mo naman si Lola, ’di ba? Hindi na ako––”
“Bakit mo ako iniiwasan..? May ginawa ba akong masama sa ’yo..? May ginawa ba akong ikinagalit mo..?” pagputol at sunod-sunod niyang tanong sa malungkot pa rin na tono.
Natigilan ako. Gusto ko sanang sumagot ng ‘wala’, at kahit minsan ay hindi ako nagalit sa mga bagay na ginagawa niya. Pero kahit anong pagsusumikap, hindi ko magawang ibuka ang aking bibig para muling makapagsalita.
Sinikap kong kumalma. Sa kabila ng mga pangyayari, nagawa ko ang magbitiw ng pekeng pagtawa.
“Ano bang pinagsasabi mo, Kim?” tanong kong natatawa sa kanya. Nilakasan ko na rin ang aking loob upang tingnan siya nang diretso, pero iyon na rin yata ang isa sa pinakamalaking pagkakamali na nagawa ko.
Nang magtagpo ang aming mga mata ni Kim ay nasaksihan ko kung paano mabilis na dumaloy ang mga luha niya mula sa kanyang mga mata — bagay na labis kong ikinasorpresa at naging dahilan upang manlamig ang aking buong katawan.
Akala ko ay magiging ganoon lang kadali ang lahat, ngunit habang nakikita ko siyang lumuluha, animo’y isa akong nauupos na kandila.
“Hindi naman ako naghahangad na kausapin mo ako sa lahat ng oras, Jam… Pero ’wag mo naman iparamdam sa akin na wala ako sa ’yong halaga…” wika niya sa pagitan ng kanyang pag-iyak.
Gusto kong punasan ang mga luha niyang iyon ngunit hindi ko maigalaw ang aking mga kamay. Tila naging bato ako at nanigas na lamang sa aking kinatatayuan.
“Dalawang taon, Jam… Dalawang taon kong hinintay ang pagkakataon na magkausap tayo… Dalawang taon akong tinitingnan ka lang sa malayo… Tinatanong ang sarili ko kung kailan ba kita makakausap… Kung kailan ba kita makakasama… H-hanggang sa… hanggang sa dumating ako sa puntong sinundan kita kung saan ka nagtatrabaho…” pagbubunyag niya na naging dahilan upang lalo akong matahimik sa mga oras na ito.
Ang tanging nagawa ko lamang ay mapalunok dahil sa aking mga natuklasan. Hindi ko akalain na sa loob ng dalawang taon ay may sumusubaybay sa akin na mga mata na walang iba kundi siya.
“T-tapos… Tapos, noong nagkaroon na ako ng pagkakataon na makausap ka, alam mo bang sobrang saya ko, Jam..? Ibinalita ko agad sa mga magulang ko na nakilala na kita… Na nakausap na kita… Pati nga sa mga kuya ko, eh… Sobrang saya rin nila dahil ang saya-saya raw ni Bunso… Sa wakas daw, nakakausap ko na ang tinatanaw ko lang noon sa malayo… Tinatawanan nga ako ng Lola ko, eh… Kaso… Kaso, heto ka naman ngayon… iniiwasan mo na naman ako…” pagpapatuloy niya pa.
Hindi ko alam kung ano ang dapat na maging reaksyon sa mga nalaman ko. Ang aking buong akala ay si Kim ang sosorpresahin ko, pero heto siya at nagbibigay dahilan para matahimik ako.
“Bakit, Jam..? Bakit lumalayo ka na naman..? Nasasaktan ako alam mo ba..? ’Wag mo naman putulin ang kasiyahan ko, please naman… ’Wag… K-kasi… Kasi, ang sakit-sakit, eh…” pakiusap niya at marahang pinukpok ang kanyang dibdib.
Dahil sa mga narinig ko ay hindi nakaligtas ang aking mga luhang ilang linggo na ring hindi dumadaloy mula sa aking mga mata. Ang mga luhang hindi na muli pang lumabas simula nang makasama ko siya.
“Alam mo ba, Kim, kung bakit..?” tanong ko sa kanyang lumuluha.
Hindi siya umimik at naghintay na lamang sa aking mga sasabihin. Nanatili siyang nakatingin sa akin nang diretso habang patuloy rin sa pagdaloy ang kanyang mga luha sa pisngi.
“K-kasi, Kim… Kasi baka masanay akong nandiyan ka… Baka masanay akong nasa tabi kita… N-natatakot kasi ako… Natatakot ako na mangyari na naman ang nangyari sa akin noon… Tapos ’pag naging masaya na ako, bigla ka rin mawawala… Iiwan mo rin ako gaya ni Sam… Pakiramdam ko kasi, ako rito ang mali… Pakiramdam ko, ako ang nagdadala ng sumpa para maghirap ang mga taong nakapaligid sa akin… Ayaw ko… Ayaw kong danasin mo ang dinanas ni Sam… Ayaw ko rin maulit ang nangyari sa akin sa nakaraan… Masakit kasi, Kim… Natatakot ako… Baka kasi sa susunod na mangyari ulit ’yon, hindi ko na kayanin…” tuluyan ko na sa kanyang pagbubunyag.
Ang orihinal kong plano ay tapatin siya upang iwasan na lamang namin ang isa’t isa, ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasabi ko ang isa sa mga bagay na gumugulo sa akin nitong mga huling araw na kasama ko siya.
Nakita kong napatigil siya sa kanyang pag-iyak at hindi nakapagsalita. Marahil ay nabigla dahil sa aking mga ipinagtapat.
“Ilang linggo lang tayong magkasama, Kim… Pero sa loob ng ilang linggong ’yon, iba na ang nararamdaman ko, eh… Masyadong mabilis… Masyadong mabilis na iniisip kong baka nagkakamali lang ako sa nararamdaman ko… Kaya bago pa lumala ’to, kailangan ko nang putulin ang kung anong meron tayo… K-kasi… kasi mahalaga ka na sa akin, eh… Ayaw kong makita kang miserable pagdating ng araw… Ayaw ko, Kim… Ayaw ko…” hirap na hirap ko pang pagpapatuloy.
Sa pagkakataong ito ay ako na ang nagbubunyag ng totoong nararamdaman ko. Siya naman ang nananahimik at walang kibo.
“Ayaw kong umabot sa puntong baka masira ko ang buhay mo, Kim… Hindi mo deserve ang kagaya ko… Hindi ka nararapat sa kagaya kong miserable at patuloy na nabubuhay nang walang direksyon… Dahil ikaw, deserve na magkaroon ng makakasama na kasing positibo mo… Hindi ang kagaya kong nabubuhay sa dilim at lupit ng mundo…” huling bahagi ng paliwanag ko.
Katahimikan ang sumunod na naganap sa pagitan naming dalawa. Patuloy lang kaming nakatitig sa isa’t isa habang lumuluha.
Ilang sandali pa ang lumipas. Nasaksihan ko kung paano unti-unting lumabas ang kanyang boses upang magpakawala ng mahihinang pagtawa.
“’Yun lang ba talaga ang dahilan, Jam?!” tanong niyang natatawa.
Hindi ako umimik. Hindi ko magawang ibuka ang aking bibig.
“Sumagot ka! ’Yon lang ba?!” sigaw na niya sa akin.
Muli ay hindi ako nakapagsalita. Tanging pag-iyak lamang ang aking nagawa.
“Ayaw mo lang ba talagang masira ang buhay ko, o mas pinipili mong mamuhay sa mundo na tanging si Sam lang ang kasama mo?! Diyan sa mundong pinapaniwala mo ang sarili mong si Sam na lang ang may kakayahang mahalin ang tulad mo?! Na si Sam lang ang nag-iisa mong pamilya na makakaintindi sa ’yo?! Na wala nang ibang taong pwedeng makapasok sa buhay mo dahil siya lang ang nag-iisang tao na kaya kang ipagtanggol?!” sunod-sunod niyang tanong na may halong panunumbat at pagsusumamo.
Ang akala ko ay makukumbinsi ko siya sa mga unang sinabi ko, ngunit may nakaligtaang bagay ako. Siya nga pala si Kim — si Kim na kahit may pagka-isip-bata ay iba ang takbo ng isip sa mga ganitong pagkakataon basta’t may kinalaman sa akin.
Dahil sa mga nangyayari ay naubusan na ako ng mapagpipilian. Mukhang kailangan ko nang sabihin ang natitira ko pang dahilan kung bakit kailangan ko siyang iwasan.
“Oo, Kim. Lahat ng ’yon, totoo,” determinadong sagot ko na sa pagkakataong ito. Nasundan din ito ng mga panibagong pagluha ko. “Dahil natatakot akong kapag tuluyan kong kinalimutan si Sam, baka pagsisihan ko… Paano kung mabigo ako..? Paano kung magkamali ako..? Sa tingin mo ba, kakayanin ko pang harapin siya kahit sa larawan na lang niya..? Si Sam na lang… Si Sam na lang ang naiwan sa akin na alam kong nandiyan kahit nasa kabilang buhay na siya… Natatakot akong pakawalan siya dahil natatakot din akong masaktan ako ng iba… Dahil ’pag nasaktan ako, wala na akong babalikan pa… Wala nang natitira sa akin, Kim… Si Sam na lang… Siya na lang ang kaya akong pakinggan…” sunod-sunod kong sumbat pabalik sa kanya. Kasunod din ng mga sinabi kong iyon ay ang aking tuluyang pagpapakawala sa masagana ko pang mga luha.
Ilang minuto kaming ganoon. Tahimik lamang matapos ang sumbatan naming iyon.
“Duwag ka.” mahina ngunit madiin niyang sambit makalipas ang ilang sandali.
“Alam ko! Kaya nga ako nabuhay nang ganito, ’di ba?! Kasi duwag ako!” sagot ko naman pabalik sa kanya.
“Hindi mo kayang harapin ang totoong nararamdaman mo. Hanggang kailan ka ganyan, Jam? ’Pag wala nang natitirang tao rito sa mundo na kaya kang lapitan? ’Pag wala nang ibang taong tatanggap sa ’yo sa kabila ng pagiging miserable mo? ’Pag wala nang ibang taong handa kang ilabas sa madilim na kulungan mo? At ’pag wala nang ibang taong kaya kang mahalin nang higit pa sa pagmamahal na ibinigay ni Sam sa ’yo?” sunod-sunod niyang tanong.
Hindi ako nakapagsalita dahil mismong ako ay tinatanong ang mga bagay na nabanggit niya.
“Wala na si Sam, Jam! Tanggapin mo na ’yon! Pero pinapanood ka niya! Sinusubaybayan ka niya! Hindi mo ba naisip kung anong nararamdaman niya sa loob ng tatlong taon habang pinapanood kang ganyan? Sa tingin mo ba, masaya siyang nakikita kang malungkot at miserable? Sa tingin mo ba, ’yan ang gusto niyang gawin mo?”
Natigilan ako.
Ito nga ba ang gustong makita sa akin ni Sam?
Ito nga ba ang nais niyang danasin ko habang-buhay?
“Mag-isip ka, Jam, hangga’t hindi pa huli ang lahat. Dahil baka sa pangalawang pagkakataon, magsisi ka dahil pinili mong magkulong diyan sa madilim mong pamumuhay!” madiin niyang bigkas.
Nagtapos ang gabing ito para sa amin ni Kim nang mabilis niya akong tinalikuran. Diretso lang din ang kanyang paglalakad hanggang maiwan ako rito sa sariling bakuran.
Nanghihina akong napaupo mula pa rin sa aking kinatatayuan. Patuloy pa rin ako sa pag-iyak dahil sa naging kaganapan.
Pinagmasdan ko ang Christmas tree na nasa loob ng aking bahay na pinalilibutan ng makukulay na Christmas lights — ang Christmas tree na si Kim mismo ang naglagay.
Simula ng araw na nagkakasama kami ni Kim ay ang araw din na hindi ko na nakakausap pa si Sam. Bago ako matulog ay hindi na ang video ni Sam ang pinapanood ko kundi ang snow globe na kanyang ibinigay.
Sa ilang umaga rin na nagdaan ay si Kim ang unang pumapasok sa aking isip sa tuwing ako ay magigising. Iniisip kung kumain ba siya ng kanin at kung naghihintay na ba ito sa labas ng aking gate.
Sa madaling salita, ilang araw kong nakalimutan si Sam at si Kim lang ang laman ng aking isip.
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.21.2018
Chapter 22
(A/N: Paki-play n’yo na lang ang nasa media habang nagbabasa nitong chapter.
Song title: Silent Night - by: Sińead O’Connor )

JAM’S
POV
Kinabukasan ay wala akong ginawa kundi ang magkulong sa kwarto. Nakakapanibago ang araw dahil walang kumatok sa aking bahay para makitambay. Wala rin ang maingay na magyayaya kung saan-saang lugar.
Noong makaramdam ako ng gutom ay saka lamang ako lumabas mula sa aking pinagkukulungan. Nang marating ko ang kusina ay ganoon pa rin, muli akong nanibago dahil wala akong naririnig na ingay — ang ingay na may pinipilit akong kumain ng kanin sa agahan.
Maging nang sumapit ang gabi, umaasa akong may bigla na lamang papasok sa aking bahay para yayain na akong magsimba. Pero hanggang sa sumapit ang hating-gabi ay wala nang nagpakita.
Kinabukasan ay walang nagbago. Ilang araw na lang din ay darating na ang masayang kaganapan na ipinagdiriwang ng lahat ng tao maliban sa akin — ang mismong araw ng Pasko.
Inabot na naman ako ng dilim, at hanggang ngayon ay umaasa akong may kakatok sa aking bahay hindi para guluhin ang mundo ko, kundi bigyan ng liwanag at kulay ito.
Nagsimula na naman ang madilim na bahagi ng aking buhay. Ang makaramdam ng pag-iisa. Katulad na katulad ito ng naramdaman ko tatlong taon na rin ang nakalilipas.
Habang pinagmamasdan ko ang Christmas tree na inilagay ni Kim dito sa loob ng aking bahay ay nagsimula akong magsalita kahit wala akong kausap.
“Napapa-miss ka ba..? P’wes, kung ganyan nga ang plano mo, nagtagumpay ka na… Kasi naiinis na ako dahil hindi pa kita nakikita…” pakikipag-usap ko sa Christmas tree na animo’y si Kim ito. Kasunod din ng mga salita kong iyon ay nagsimula na naman pumatak ang aking mga luha.
“Tama ako, ’di ba..? Kaya ayaw kong mapalapit sa ’yo dahil baka masanay ako… Dahil baka hanap-hanapin kita… Ngayon mo sa akin sabihin na mali ako..?” sunod ko pang panunumbat. “Sinungaling ka rin, eh… Sinungaling ka, alam mo ba..?” dagdag ko pa.
Inabot ko ang dulo ng aking t-shirt at pinahid ang mga luha kong naglalandas nang masagana.
“Ang sabi mo, hindi ka aalis sa tabi ko kahit ipagtabuyan kita, ’di ba..? Sabi mo, ikaw ang magiging dahilan ng pagngiti ko..? Gago ka rin pala, eh… Ikaw kaya ngayon ang dahilan ng pag-iyak ko…”
Napakarami kong nais sabihin. Napakarami ng gusto kong isumbat kung kaharap ko lamang si Kim. Ngunit sa kabilang banda, naiisip kong wala rin naman iyon magagawa. Tama si Kim, duwag ako. Takot akong harapin ang bukas. Ayaw kong sumugal dahil pakiramdam ko ay mabibigo lamang ako na mayroon sa akin ang tatanggap.
Muli akong natahimik at tanging pag-iyak na lamang ang nagawa ko. Wala akong mayakap kundi ang aking mga binti habang sa sofa ay namamaluktot at nakaupo.
Mula rito sa loob ng aking madilim na bahay, sa mga oras na ito naririnig ko pa ang mga batang nangangaroling sa labas. Pero habang pinapakinggan ko ang kanilang pagkanta ay mas lalo lamang akong nakakaramdam ng pag-iisa. Mas dama ko ang lungkot sa kabila ng pag-awit nila nang masigla.
Tatlong taon. Tatlong taon na ako ritong nakakulong. At noong dumating ang pagkakataon na may nagtangka sa akin na mag-ahon, ipinagtabuyan ko naman iyon.
“Nangangaroling po!” sigaw ng mga bata mula sa labas matapos ang kanilang pagkanta.
Natawa ako nang mapait dahil ilang ulit pa nilang isinigaw ang mga salitang iyon. Taon-taon na lang ay nangangaroling sila rito, pero hindi pa sila nasanay na walang taong lumalabas para bigyan sila ng aguinaldo.
“Ano ba ’yan! Ang ganda nga ng bakod niya dahil ang daming Christmas lights! Pero kuripot naman ang nakatira!” dinig kong reklamo ng isang bata.
Nang mabanggit niya ang Christmas lights na nasa aking bakuran ay muli kong naalala si Sam. Kaya naman mula sa pagngiti nang mapait ay muli akong nagbalik sa matinding pagluha.
“Sam….” pagtawag ko na sa kanya. “I’m sorry…” sambit ko pang mahina habang umiiyak.
“Sam, bakit pakiramdam ko, nagtaksil ako sa ’yo kahit hindi naman..? Kaya nga ako naguluhan, eh… Kasi iniisip pa rin kita…” pagkausap ko pa rin sa kanya.
“Sa loob ng tatlong taon… hiniling kong sana, magparamdam ka… Pero kahit anong pakiusap ko sa ’yo, hindi mo ako pinagbigyan… Bakit..? Bakit, Sam..?” tanong ko na sa kanya.
Matapos kong itanong iyon ay naalala ko ang mga katagang sinabi sa akin ni Kim;
“Wala na si Sam, Jam! Tanggapin mo na ’yon! Pero pinapanood ka niya! Sinusubaybayan ka niya! Hindi mo ba naisip kung anong nararamdaman niya sa loob ng tatlong taon habang pinapanood kang ganyan? Sa tingin mo ba, masaya siyang nakikita kang malungkot at miserable? Sa tingin mo ba, ’yan ang gusto niyang gawin mo?”
Huminga ako nang malalim upang kumuha ng mas marami pang hangin. Nahihirapan na akong magsalita. Para na rin akong mababaliw dahil nagsasalita ako pero wala naman ang mga taong gusto kong makausap.
“Totoo ba ’yon, Sam..? Pinapanood mo ba ako ngayon..?” tanong ko ulit kay Sam.
Naghihintay ako ng kahit na kaunting senyales na magparamdam siya bilang pagsagot man lang. Pero nakalipas na ang ilang minuto ay walang nangyaring kakaiba.
“Sam… Bigyan mo naman ako ng sign, please..? Bigyan mo ako ng sign kung dapat na ba kitang pakawalan..? Kasi… K-kasi, hangga’t wala kang nagiging sagot, hindi ako makabitaw, eh… ’Di ba, kapakanan ko naman lagi ang iniisip mo..? Tulungan mo naman akong matagpuan ang bagay na makakapagpalaya sa kalungkutan ko… sa pangungulila ko sa ’yo…” mahaba kong pakiusap sa kanya.
“Kasi, Sam… K-kasi… pagod na ako, eh… Pagod na akong mag-isa… Pagod na akong maging malungkot… Bigyan mo ako ng sign na dapat na kitang palayain, Sam… Nakikiusap na ako sa ’yo… Sana… Sana gawin mo, kahit ngayon lang..?” pagmamakaawa ko na sa kanya.
Matapos ang aking mahabang pakiusap, muli akong naghintay ng sagot mula kay Sam sa pamamagitan ng pagpaparamdam niya. Ngunit tulad kanina ay katahimikan lang ang sumasalubong sa akin habang ako ay nag-iisa.
Mas lalong lumakas ang aking mga pag-iyak dahil sa naganap. Mas doble ang sakit na aking nararamdaman dahil sa pangungulila mula sa dalawang taong gusto kong makita at hinihiling na mayakap man lang.
Hanggang sa matapos ang panibagong gabi, naipikit ko ang aking mga matang patuloy na naglalabas ng mga luha. Nakatulugan ko ang lahat at kahit kaunti ay wala akong nakuhang sagot sa mga naging katanungan ko kanina.
A/N
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.22.2018
Chapter 23
(A/N: Paki-play na lang ang nasa media habang nagbabasa ng chapter na ito.
Song title: Pasko Na, Sinta Ko - By: Gary. V.
)

JAM’S POV
Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat — ang pagdiriwang sa bisperas ng Kapaskuhan.
Nakaupo ako sa sahig ng aking bahay at nakasandal sa frame ng aking pintuan. Nakatitig sa mga halaman kong nasa bakuran na pinalilibutan ng puting Christmas lights — ang mga Christmas lights na hanggang ngayon ay umiilaw lamang ngunit hindi kumikinang.
Kahit madilim na sa paligid dulot ng gabi ay maingay pa rin ang mga tao dahil sa ginagawang paghahanda para sa Noche Buena mamaya.
Tatlong taon. Tatlong taon akong ganito — pinapanood ko lamang ang mga bata kung paano salubungin ang kanilang mga magulang sa kalye dahil galing sila sa trabaho; Pinapakinggan ang mga kabataan na nagkakasiyahan kasama ang mga kaibigan nito; Sinisilip ko lamang ang bawat bahay na kahit kakaunti lamang ang nakakabit na Christmas lights sa kanilang tahanan ay magkakasama silang nagdiriwang; At kung sasapit na ang oras ng Noche Buena, pinapakinggan ko lamang silang nagbabatian sa isa’t isa ng ‘Merry Christmas’ habang isa-isang niyayakap ang bawat miyembro ng kanilang pamilya.
Wala na yatang magbabago sa buhay ko. Habang buhay na yata akong nag-iisa. Dahil kahit ang sarili kong pamilya ay tuluyan na akong kinalimutan. Kung tutuusin kasi, sa oras na gustuhin nila akong hanapin ay madali lang nila akong makikita. Alam ko ang bagay na iyon dahil alam nilang kasama ko si Steff sa trabaho — si Steff na matalik na kaibigan ko. Pero kahit minsan sa loob ng mga nagdaang taon, hindi sila nag-abalang kumustahin ako.
Napangiti ako nang mapait nang maalala ko ang aking pamilya. Alam kong nasa maayos silang kalagayan. Alam kong masaya sila dahil minsan ko na iyong nasaksihan — noong mga panahon na nagbabaka sakali akong makakuha ng kalinga dahil sa aking pag-iisa. Masaya silang magkakasama. Nakakangiti silang lahat sa kabila ng aking pagkawala.
Nakakalungkot lang, dahil siniguro talaga nilang mawawalan na sila ng koneksyon sa akin magmula nang sumama ako noon kay Sam. Tinupad nila ang kanilang sinumpaan. Tuluyan na talaga nila akong kinalimutan at inalis sa kanilang mga larawan. Kaya heto ako, laging nag-iisa at walang matakbuhan sa oras ng pangangailangan.
Dahil sa halo-halong dahilan ng aking kalungkutan ay hindi ko naiwasang makaramdam na naman sa sarili ng awa. Isinandal ko ang aking ulo sa frame ng aking pinto habang nakaharap ako sa gate ng aking bahay.
Pinili kong ipikit ang aking mga mata. Mas lalo lang kasi akong nahahabag sa aking sarili tuwing nakikita ko ang mga tao mula sa labas at abalang nagkakasiyahan. Nakakaramdam ako ng inggit dahil matagal ko na iyong hindi nararanasan.
“Pagod na ako… Napapagod na ako…” sambit ko pang mahina.
Matagal ako sa ganoong posisyon. Nakasandal lamang sa pinto habang pikit ang mga mata ko. Hinihintay lamang na lumipas ang gabi para matapos na rin ang pagdiriwang ng lahat dahil sa Pasko. Hinihiling na sana….
….Sana, kahit ngayon lang, mabigyan ako ng dahilan para ngumiti kahit isang segundo man lang.
“Jam….”
Tila ba tumigil ang aking mundo nang marinig ko ang pagtawag na iyon sa aking pangalan. Animo’y huminto sa pagpatak ang oras nang muli kong marinig ang tinig nito. At kung gaano kalambing ang boses ng taong iyon, ganoon din katindi sa akin ang naging epekto nito.
Ang kaninang tila hindi na tumitibok na aking puso, muli itong nag-ingay dahil sa mabilis nitong pagkabog.
Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata. At nang tuluyan ko itong mabuksan, doon ko rin natagpuan ang sagot sa aking kahilingan.
“K-kim….” mahina kong sambit sa kanyang pangalan.
Nakatayo siya sa labas ng bakuran ko. Nakapostura ito na sadyang nababagay sa pangangatawan nito. Pero, kahit gaano siya ka-presentable ngayon, kinulang naman ang lahat dahil sa suot niyang malungkot na ekspresyon.
Naging mabagal at maliliit ang kanyang mga paghakbang upang makapasok sa aking bakuran. Ako naman, dahil sa labis na pagkasorpresa ay unti-unti lamang na tumayo mula sa aking kinauupuan. Ngunit, kasunod naman nito, sa kabila ng paninigas ng aking buong katawan ay sinikap na salubungin siya sa gitna ng aming daan.
Sa pamamagitan ng mga nagkalat na ilaw ng Christmas lights, naging malinaw ang imahe namin sa isa’t isa nang kami ay tuluyang magkaharap.
Nais ko siyang hawakan. Nais kong haplusin ang kanyang mukha. Pero sa aking bawat pagtatangka, tila ba may mabigat na bagay na siyang pumipigil sa aking mga kamay upang ito ay iangat.
Takot? Siguro nga.
Takot dahil baka kaya siya nagtungo rito ay para muli akong sumbatan. Takot dahil baka gusto lamang nitong sabihin na pagod na siya. At takot para sa kanyang tuluyang pamamaalam at pag-iwas.
“S-sorry, Jam…” sambit niya makalipas ang ilang segundong pagsuri namin sa isa’t isa.
Hindi ako nakagalaw. Nagsimula na rin akong kabahan. Base sa kanyang unang mga salita, tila ba humihingi na siya ngayon ng kapatawaran para sa mga magaganap.
Gusto kong takpan ang aking tainga para iyon ay maiwasan, pero hanggang ngayon ay mabigat ang aking mga kamay. Gusto kong magsalita upang siya ay tutulan, ngunit tila ba nagkaroon ng bara ang aking lalamunan.
Nasaksihan ko kung paano siya lumunok bilang muling paghahanda. Ayaw ko man na magtuloy pa siya, wala rin akong magawa. Kaya naman ang hinihintay ko na lamang ay dumaloy nang kusa ang aking mga luha dahil sa panibagong pagkabigo sa buhay.
“Sorry kung nasigawan kita noong huli tayong magkita, Jam…”
“…Sorry kung saglit kong kinalimutan ang pangako ko na kahit ipagtabuyan mo pa ako, hindi kita iiwan…”
“…Sorry kung naunahan ako ng galit kaya kita iniwan…”
“…Sorry sa mga nagawa ko noong gabing ’yon, Jam.”
Sa mga narinig kong iyon mula sa kanya, tuluyan nang pumatak ang aking mga luha.
Hindi ito ang inaasahan ko. Malaking pagkakamali ang naisip kong senaryo. Hindi siya aalis. Hindi siya nagpunta rito para magpaalam sa akin.
Sa kabila ng mga luhang patuloy na naglalandas sa aking mga pisngi, sumilay ang ngiti sa aking labi.
Buong akala ko ay hindi na ako mapagbibigyan kahit kailan sa kahilingan ko. Akala ko ay hindi na dinidinig ng Diyos ang dasal ko. Pero heto ako, nagawa kong ngumiti nang sinsero hindi lamang sa loob ng isang segundong hiningi ko.
Nandito siya. Dumating siya sa eksaktong oras na kailangan ko ng makakasama.
Hindi ko pa rin magawang magsalita dahil sa nag-uumapaw na saya. Ganito pala ang epekto sa akin ni Kim? Makikita ko pa lang siya, nakakalimutan ko na ang lahat ng lungkot na aking nararamdaman. Kakaiba talaga siya.
Pinagmasdan ko lamang si Kim hanggang sa mapakamot ng batok ito. Napayuko rin siya habang may alanganing ngiti sa labi nito. Hindi ko naman naiwasan ang makapagbitiw ng mahinang pagtawa dahil dito. Alam ko na kasi ang nangyayari sa kanya sa mga oras na ito — inaatake na naman siya ng hiya kaya siya ganito.
“Saka ano pa, Jam… U-uhmm… A-ano… Ano kasi…” ang hindi niya malamang pagpapatuloy sa sasabihin.
Sa pagkakataong ito ay unti-unti nang nangunot ang aking noo dahil sa kanyang inaasal. Hindi na rin kasi niya magawang iangat ang kanyang tingin upang diretso akong tingnan.
“U-uhmm… M-may nakalimutan… May nakalimutan kasi ako kaya nagpunta ako rito…” pagpapatuloy pa rin nitong nauutal.
Saglit akong natigilan.
“N-nakalimutan..?” nauutal ko na rin na tanong dahil sa pagtataka.
Sa mga oras na ito, hindi ko maiwasan ang makaramdam ng pagdududa — pagdududa sa aking sarili at sa taong nasa aking harap. Nagbalik ang aking pag-aalala na baka gusto na nga niyang magpaalam.
Tumango nang marahan si Kim bilang pagkumpirma.
“O-oo, Jam… M-may nakalimutan ako…” nauutal niya pang bigkas.
Sa halip na muling magsalita o magtanong ay mas pinili kong manahimik na lamang. Naghintay na lamang din ako sa kanyang magiging hakbang.
Isa, dalawa, tatlong minuto siguro ang inabot ng aking paghihintay, ngunit nang magpaikot-ikot siya sa kanyang pwesto habang nagkakamot ng batok na tila naguguluhan ngayon, dito na naubos ang natitirang pasensiya ko.
“Hoy, Kim! Ano ba talagang nakalimutan mo?!” pagtawag ko sa kanyang atensyon sa pamamagitan ng pagbulyaw dito.
Kitang-kita ko ang kanyang pagkagulat. Napatigil siya sa kanyang pag-iikot sa kinatatayuan at napahawak pa nang matindi sa dibdib niya. Iyon din ang naging dahilan para muli niya akong lingunin suot ang ekspresyong kinakabahan.
Gusto ko sanang matawa sa kanyang naging reaksyon, pero ginawa ko ang aking makakaya para pigilan iyon.
Para talaga siyang bata.
“Anong nakalimutan mo?” pag-uulit ko sa aking katanungan.
Sa hindi mabilang na pagkakataon ay napakamot siya sa kanyang batok.
“A-ahm… ’Y-yung ano kasi… M-may nakalimutan akong isumbat sa ’yo…” naguguluhan niyang pagsasalita.
Literal na nanlaki ang mga mata ko dahil sa labis na pagkasorpresa. Tila ba naririnig ko pa rin ang mga huling salita na kanyang binigkas.
“Anong sumbat ang pinagsasasabi mo?!” malakas ang boses kong paniniguro.
Tila ba ngayon niya lang napag-isip-isip ang nasabi nito. Nanlaki rin ang kanyang mga mata tanda ng pagkabigla.
“Ay, hindi! Mali, mali! Hindi ’yon! Mali, Jammy! Hindi ’yon ang dapat na sasabihin ko!” mabilis niyang pagbawi. Nakamwestra pa ang dalawa niyang palad sa tapat ko na animo’y paulit-ulit na kumakaway sa akin.
Halata ngang naguguluhan siya. Halatang natataranta siya. Pero ano nga ba ang dahilan?
“Umayos ka nga, Kim! Ano ba talagang nakalimutan mo?!” ang may halong pagkairita ko nang tanong.
Bigla siyang nagtatatalon sa kanyang pwesto.
“Oh, sh*t! Paano ko ba sisimulan?!” sambit niya naman at marahas na kinamot nang maraming beses ang kanyang ulo.
Huminga ako nang malalim.
“Simulan mo sa umpisa.” Pilit kong kinokontrol ang aking sarili na muling masigawan siya.
Nakita kong saglit siyang napatigil sa paggalaw. Mukhang pinoproseso na niya sa isip kung saan siya magsisimula.
Ilang saglit pa ay huminga siya nang malalim. Kasunod nito ay muli niya akong hinarap at tiningnan nang diretso sa mga paningin.
“Okay,” panimula niya. “Nagsimula ’to noong gabi na nag-away tayo rito sa tapat ng bahay mo. Noong gabi na dapat magsisimbang-gabi tayo. Umuwi ako sa bahay no’n, ’di ba? Tapos kinatok ako ni Lola sa kwarto ko. Sabi niya, uuwi raw kami kinabukasan sa Baguio para puntahan ang magulang ko. Tapos, sabi niya, four days daw kami roon. Tapos, mahabang biyahe. Biyahe-biyahe. Tapos, pagdating namin doon, kumain kami. Kain-kain. Tapos, saglit kaming nagkwentuhan na magpamilya. Kwento-kwento. Tapos, kinumusta nila ako. Tapos sabi ko, okay lang ako. Tapos, naghintay ako sa pagdating ng dalawang kuya ko. Antay-antay. Tapos, nagtanong ang magula––”
“Teka, teka, teka!” pagputol ko na sa kanya habang nakamwestra pa ang aking isang palad upang awatin siya. “’Wag mo na lang pala simulan sa umpisa. I-short cut mo na. Baka bukas ka pa matapos, eh. So, anong nakalimutan mo?” diretso ko nang tanong habang nakataas pa ang isang kilay ko.
Muli ay nanlaki ang kanyang mga mata. Muli na naman siyang nasorpresa at tila kinabahan. Matapos iyon ay dahan-dahan na naman siyang napayuko. Akmang ilalagay na naman niya ang kanyang kamay sa batok para muling magkamot ay pinigilan ko na ito.
“Sige, Kim! Subukan mong magkamot na naman ng batok! Iiwan talaga kita rito sa labas! Hindi ka na nakakatuwa!” pagbabanta ko na sa kanya.
Mabilis niyang naiangat ang kanyang mukha at gulat na gulat siyang tiningnan ako.
“Ano ba kasing nakalimutan mo?! Simpleng bagay pero ginagawa mong komplikado!” hindi ko na napigilang panenermon sa kanya.
Hindi na naman siya sumagot. Nasaksihan ko pa kung paano siya napalunok. Tila ba takot na takot talaga siya sa mga oras na ito. At sa mga susunod pang minuto, sa tingin ko ay iiyak na rin ito.
“Ayaw mo talagang sabihin?” madiin kong pagtatanong. “Sige. Diyan ka na!” inis na inis ko nang bulyaw. Kasunod din nito ay tinalikuran ko siya para pumasok sa aking bahay.
All rights reserved.
Year 2016
cold_
deee
12.23.2018
Chapter 24
(A/N: Paki-play n’yo ang nasa media while reading this whole chapter. Hindi man siya eksakto sa ganap, dito ako nakakuha ng inspirasyon para sa ilang revision nitong chapter.
Song Title: Sa Araw Ng Pasko - By: Kapamilya All-Star )
JAM’S POV
“Ayaw mo talagang sabihin?” madiin kong pagtatanong. “Sige. Diyan ka na!” inis na inis ko nang bulyaw sa kanya. Kasunod din nito ay tinalikuran ko siya para pumasok sa aking bahay.
Siguro ay nakakadalawang hakbang pa lamang ako nang mabilis niya akong hinabol at pinigilan. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at pwersahan sa kanyang pinaharap.
Labis akong nasorpresa dahil sa nangyari. Nanlalaki tuloy ang aking mga matang sinalubong din ang kanyang paningin.
Ilang segundo pa ang lumipas hanggang sa mapagtanto kong ilang pulgada lamang pala ang layo ng mukha namin sa isa’t isa. Ngunit kahit ganoon, malinaw kong nakikita ang kabuuan ng kanyang mukha sa tulong na rin ng liwanag na nagmumula sa Christmas lights.
“K-kim…” nauutal kong sambit sa kanyang pangalan.
Nasaksihan ko ang paghugot niya nang malalim na buntong-hininga. Lalo rin naging mahigpit ang pagkakahawak niya sa aking mga balikat. Kasunod nito ay nasaksihan ko ang pagpikit niya nang mariin at tiningnan muli ako nang tuwid sa mata.
“Ang dami kong sinabi sa ’yo noong gabing iyon, Jam! Pero may isang bagay akong nakalimutan!” halos isigaw na niyang paliwanag.
Hindi ako nakapagsalita. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakabawi mula sa pagkabigla.
Bago siya nagpatuloy, naikagat muna niya ang kanyang ibabang labi bilang paghahanda.
“Sa dami ng sinabi ko, Jam, I’m sorry!! Sorry sa hindi magagandang bagay na nasabi ko sa ’yo!! Sising-sisi ako, peksman mamatay man!! Pero may isang bagay akong hindi nasabi sa ’yo dahil sa sobra kong daldal! Sorry!! Sorry!! Sorry!!” sunod niya pang sigaw habang mahigpit pa rin ang kapit sa akin.
Napalunok ako habang nanlalaki pa rin ang aking mga mata.
“O-okay…” tanging naging reaksyon ko lang kasabay ng marahang pagtango sa kanya.
May ilang segundo pa ang kanyang pinalipas hanggang sa muli siyang huminga nang malalim. Napapikit na naman siya nang mariin saka siya nagpatuloy sa sasabihin.
“Jam, dalawang taon na!!! Dalawang taon na!!!” mas malakas na niyang sigaw. Kasunod nito ay muli niyang idinilat ang kanyang mga mata. “Dalawang taon na kitang mahal, Jam!! Mahal na mahal kita matagal na panahon na!!” pagbubunyag na niya.
Matapos ang nakabibinging sigaw ni Kim, isang pangyayari ang siyang naging dahilan para magwala ang puso kong nagtatago sa aking dibdib.
Si Kim…..
…..hinatak akong muli upang paglapitin pang lalo ang aming mga mukha at mabilis na pinagdikit ang aming mga labi.
Sa hindi ko mabilang na pagkakataon ay tila ba huminto ang mundo sa pag-ikot nito. Tumigil sa pagtakbo ang oras at tila ba kami na lamang ang natitirang tao rito.
Akala ko ay wala nang ilalaki pa ang aking mga mata dahil sa pagkabigla, ngunit nang tuluyang magproseso sa akin ang nagaganap, animo’y nakakita ako ng multo dahil halos lumuwa na ito mula sa pinaglalagyan.
Walang gumagalaw. Magkadikit lamang ang aming mga labi habang may magkaibang ekspresyon na ipinapakita. Siya ay nakapikit, habang ako naman ay naiwan pa ring gulat na gulat.
Hindi ko mabilang kung ilang segundo na ba ang lumipas. Ngunit nang makabawi ako sa naganap, hinayaan ko ang aking sarili na kapain ang nararamdaman.
Napapikit ako nang marahan. Kasunod ng pagsara ng aking mga mata, tuluyan na akong nagpaubaya sa kautusang nagmumula sa aking damdamin at isipan.
Dahan-dahan ay inangat ko ang aking mga kamay. Inilagay ko ang mga ito sa balikat ni Kim dahilan para saglit siyang matigilan. Ramdam ko iyon dahil nanatiling nakadikit ang malambot niyang labi sa akin.
Hindi ko iminulat ang aking mga mata. Bagkus, mula sa iisang posisyon, ginantihan ko nang buong puso ang paghalik niya.
Dahil sa nangyari, naramdaman ko ang pagngiti ng lalaking dahilan kung bakit ako nakakaramdam ngayon ng nag-uumapaw na saya. Saglit lamang iyon hanggang sa sabayan niya ang ritmo ng matamis kong halik na ibinibigay sa kanya. Nasundan din ito ng dahan-dahan niyang pagbitiw sa aking mga balikat upang ikulong ng kanyang mga bisig ang aking katawan.
Dahil sa nag-uumapaw kong emosyon, sinikap kong pigilan na pumatak ang aking mga luhang sanhi ay saya.
Tatlong taon. Tatlong taon akong nagkulong sa nakaraan ko. Nanirahan sa madilim kong mundo. Pero dahil sa lalaking ngayon ay kapiling ko, naiahon niya ako nang mabilis mula sa pagkakalugmok.
Hindi ko ito inaasahan. Buong akala ko, wala nang pag-asa upang ako ay mailigtas. Pero heto si Kim, hindi natakot sumugal sa kabila ng pagtataboy ko noon sa kanya.
Dalawang taon si Kim na naghintay. Dalawang taon ang kanyang pinalipas upang masabi sa akin ang tunay niyang nararamdaman. At ngayong magkapiling na kami nito, nagpapasalamat ako dahil hindi pa huli ang lahat — nanatili pa rin akong nakatayo at hinaharap ang hamon sa aking buhay.
Napakasaya ko. Walang mapaglagyan ang kaligayahan ko. Dahil makalipas ang tatlong taon, tuluyan nang magtatapos ang paghihirap ko. Makakawala na ako sa wakas mula sa madilim kong mundo. At naganap ito sa araw bago sumapit ang eksaktong araw ng Pasko.
Totoo nga ang kasabihan — Ang Pasko ay araw din ng pagkabuhay. Dahil ngayong araw na ito, magsisimula na rin ako sa panibago kong buhay. Magsisimula ako nang hindi nag-iisa dahil naririto na si Kim na aking makakasama.
Ngayon ay mayroon din akong napatunayan — Walang pinipiling panahon ang pagmamahal. Na kahit sino ay maaaring makadama. Walang pinipiling panahon at oras. Walang hinihintay na pagkakataon at araw. Na kahit sandali lamang kayong nagkakilala ay maaari ninyong mahalin ang isa’t isa…
…Dahil ang pagmamahal ay para sa lahat. At ang pagmamahal ay hindi maaaring diktahan ninoman.
May ilang minuto rin siguro naming hinayaan ang aming mga sarili na magpaanod sa saya, at nang makabawi ay marahan din naming pinaghiwalay ang labi sa isa’t isa.
Sa parehong posisyon na magkatapat, hindi kami nagbitiw sa pagkakayakap. Nanatili rin na magkadikit ang noo naming dalawa. Kapwa suot ang maganda naming mga ngiti habang nakatingin nang tuwid sa mata ng isa’t isa.
“Mahal na mahal kita, Jam… Mahal na mahal…” malambing niyang pagtatapat habang suot ang ngiting napakaganda.
Nangilid ang aking mga luha dahil sa kanyang sinabi. Hindi ko mapigilang maging emosyonal dahil matagal na panahon ko rin itong hinintay na marinig mula sa iba.
“A-akala ko, imposible na, Kim… Pero dumating ka… Dumating ka, Kim… Ang bilis… Ang bilis ng pangyayari… Pero sa maikling panahon, natutunan din agad kitang mahalin… Salamat, Kim… Salamat dahil dumating ka sa akin…” mahaba kong sagot habang may mumunting luha sa aking mga mata.
“Jam, hayaan mong ako ang magpuno sa lahat ng kakulangan mo sa buhay… Hayaan mong patunayan ko sa ’yo na may isa pang tao na handa kang panindigan… Papayagan mo ba ako na maging parte ng mundo mo..? Gusto kitang dalhin sa mundo na mala-paraiso… Gagawin ko ang lahat para manatili ang mga ngiti mo… Bibigyan mo ba ako ng pagkakataon..?” madamdamin niyang pagtatanong.
Kung kanina ay pinipigilan ko pa na pumatak ang aking mga luha, nang marinig ko iyon mula kay Kim ay tuluyan rin itong kumawala.
Tumango ako nang marahan.
“Mmmm… Handa na ako… Handa na akong sumama sa ’yo, Kim…” tangi ko lamang naisagot habang may mas malawak nang ngiti ang labi ko.
Sapat na ang aming mga naging pagtatapat para tapusin iyon sa isa na namang masuyong paghalik. Halik na may napakaraming mensahe. Halik na may sumpaang hindi na kailangan pang sambitin ng aming bibig. Halik na puno ng pagmamahal sa isa’t isa.
Habang magkadikit ang aming mga labi ni Kim at pinapadama ang nararamdaman sa isa’t isa, iniisip kong ito na ang pinakamagandang hiwaga na aking masasaksihan.
Pero hindi….
Dahil habang nasa ganoon kaming posisyon, animo’y isang mahika ang aming natuklasan dahilan upang kami ay matigilan. Iyon din ang naging dahilan upang magbitiw kami nito.
“J-jam…” nauutal na sambit ni Kim sa aking pangalan. Nanlalaki rin ang kanyang mga mata dahil sa labis na pagkasorpresa sa nasasaksihan ng kanyang mga mata.
Kung gaano si Kim nabibigla sa nakikita, doble ang hatid sa akin nito.
Hindi ako nakapagsalita. Ang tanging nagawa ko lamang ay ilibot nang marahan ang aking mga mata dito sa loob ng aking bakuran.
Tatlong taon…
Tatlong taon ko itong inabangan…
Sa wakas, nagkaroon na rin ito ng katuparan…
Dahil ang mga Christmas lights na nasa aking mga puno at halaman na dating walang kinang….
….Ngayon ay tila mga bituing kumikislap dahil sa patay-sindi na nitong mga ilaw. Ito ang bagay na gustong-gustong makita ni Sam. Pagkakataong matagal ko rin na hinintay.
Gumuhit ang malapad na ngiti sa aking labi habang inililibot pa rin ang paningin sa paligid. At sa aking bawat pagngiti, kasabay nito ay ang mabilis na pagdaloy ng aking masaganang luha sa pisngi.
Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, biglang nagbalik sa aking isipan ang naging pakiusap ko kahapon kay Sam.
“Sam… Bigyan mo naman ako ng sign, please..? Bigyan mo ako ng sign kung dapat na ba kitang pakawalan..? Kasi… K-kasi, hangga’t wala kang nagiging sagot, hindi ako makabitiw, eh… ’Di ba, kapakanan ko naman lagi ang iniisip mo..? Tulungan mo naman akong matagpuan ang bagay na makakapagpalaya sa kalungkutan ko… sa pangungulila ko sa ’yo…”
Sa tingin ko, sumagot na sa akin si Sam. Dahil ang pagpatay-sindi ngayon ng Christmas lights, iyon ang magpapatunay na gusto na niya akong maging masaya sa susunod na mga yugto ng aking buhay.
“Jammy, tingnan mo rin ’yung iba’t ibang kulay ng Christmas lights na nasa loob ng bahay mo! Patay-sindi na rin ngayon!” puno ng pagkamanghang pagbabalita ni Kim habang itinuturo ang Christmas tree na ikinabit niya sa loob ng bahay ko.
Nang lingunin ko naman iyon, walang mapaglagyan ang aking saya dahil nga sa patay-sinding Christmas lights doon.
Niyakap ako nang mahigpit ni Kim habang may ngiti pa rin sa kanyang mga labi. Alam kong masayang-masaya rin siya sa nangyari.
Ginantihan ko naman si Kim ng yakap din na mahigpit. Kasunod nito, sa kabila ng luha kong patuloy na naglalandas dahil sa saya, mariin akong napapikit upang kausapin si Sam sa aking isip.
‘Salamat, Sam-sam… Maraming salamat sa sagot mo…’
‘Salamat sa pagdinig ng hiling ko…’
‘Ngayon, makakalaya ka na rin…’
‘Ngayon, hindi mo na ako kailangan pang alalahanin…’
‘At alam kong kahit hindi kita nakikita, nakangiti ka sa mga oras na ito habang pinagmamasdan ako…’
‘Salamat, Sam…’
‘Paalam na rin sa’yo…’
A/N: Sino ang umiyak diyan dahil sa pinaghalong saya at lungkot gaya ko? Yey! Merry Christmas, guys! Sana ay napasaya ko kayo sa chapter na ito! Mwah-hugs! ❤
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.24.2018
Facebook: Cold Deeë
Chapter 25 (FINALE)
JAM’S POV
Kinabukasan ay maaga akong nagpunta sa lugar kung saan ko gagawin ang tuluyang pagpapalaya sa aking nakaraan.
Malamig ang hatid ng simoy ng hanging dulot ay panahon, ngunit hindi naging hadlang iyon para muling dalawin ang taong naging malaki ang parte ng buhay ko.
‘In loving memory of Sam Louie Rodriguez’
Isang marahang paghaplos sa kanyang lapida ang aking ginawa. Kahit man lang sa paraang ito, nagbabaka sakali akong maramdaman niya ang palad ko.
“Hi, Sam… Merry Christmas…” pagbati ko sa kanya at nagbitiw ako ng matamis na ngiti.
Sa loob ng tatlong taon, animo’y naging tirahan ko rin ang lugar na ito. Halos araw-araw ko nga noon na dinadalaw si Sam. At tuwing naririto ako, hindi nawawala ang senaryong ako ay umiiyak. Nagmamakaawa ako sa kanya na sana ay bumalik siya. Nagsusumamo na sana ay magparamdam siya.
“Kumusta ka na? Nagpapakabait ka ba diyan sa kabilang buhay?” tanong ko sa kanya.
Ibang-iba na ang pakiramdam ko ngayon. Noon ay napakabigat ng aking dibdib tuwing kakausapin ko siya. Pero ngayon, hindi na halos maputol ang suot kong ngiti habang nagsasalita.
Ilang minutong katahimikan ang aking pinalipas bago ako muling nagsalita.
“Matagal ba kitang pinag-alala, Sam? Sorry, ha? ’Wag ka nang magalit sa Jam-jam mo!” wika ko at bahagya akong natawa.
Kung may kakayahan lang siguro siyang makausap ako, marahil ay sinermonan na ako nito. Madalas kasi niya akong mapagsabihan dahil sa paminsan-minsan kong kakulitan.
Bago ako nagpatuloy sa pakikipag-usap kay Sam, isang malalim na buntong-hininga muna ang aking pinakawalan.
“Sam,” malambing ko nang pagtawag sa kanya. “Hindi ako nagpunta rito para tuluyan nang kalimutan ang nakaraan ko, o kahit ang nakaraan nating dalawa. Kasi hindi na ’yon mabubura, eh. Kasama na ’yon sa akin hangga’t nabubuhay ako. At dahil nandito pa ako, kailangan kong magpatuloy sa buhay. ’Di ba, ’yon naman ang gusto mo? Gusto mong lumaban ako kahit anong pagsubok ang dumating sa buhay ko? Gagawin ko ’yon, Sam. Gagawin ko ’yon dahil magsisimula na ako sa panibago kong buhay.” panimula ng aking pagtatapat sa kanya.
Animo’y naghihintay ako na sumagot siya dahil ilang segundo pa ang aking pinalipas bago muling nagsalita.
“Gusto ko rin sabibin sa ’yo, Sam… Kahit marami na ang nagbago at magbabago sa akin, hinding-hindi kita makakalimutan… Hindi ko kalilimutan ang nakaraan nating dalawa… Dahil simula pa noong araw na nagkakilala tayo, iyon na rin ang isa sa pinakamagandang nangyari sa buhay ko… Isa kang hindi matatawarang regalo na ibinigay sa akin ng Diyos…”
Matapos ang mga katagang iyon ay muli kong hinaplos ang larawan niyang nasa lapida nito.
“Salamat, Sam-sam… Salamat sa lahat…” wika ko pang malambing.
Ang mga alaalang naiwan sa akin noong kasama ko pa si Sam, tanggap ko nang nagtapos na iyon tatlong taon na rin ang lumilipas. Handa na rin ako na gumawa ng panibagong alaala sa mga darating na bukas.
“Oo nga pala, Sam, baka hindi na kita madalas na madadalaw, ha?” muli kong pakikipag-usap sa kanya. “’Wag ka sanang magtampo. Alam mo na, kung dati-rati ako ang inaalagaan mo dahil may pagkaisip-bata ako, ngayon mukhang ako na ang mag-aalaga sa isang isip-batang impakto.” dugtong ko pa at hindi ko naiwasang matawa dahil sa huli kong mga kataga.
Habang tumatakbo sa aking isip ang taong aking tinutukoy, hindi na talaga maitago ang saya ko.
“Gusto ko palang sabihin sa ’yo na magkaiba kayo, Sam. Nagtataka nga ako kung paano ko siya nagustuhan, eh,” tila ba pagsusumbong ko rito na may halong pagbibiro. “Pero gusto kong malaman mo, na kung may isang bagay man kayong pinagkapareho, iyon ay mahal na mahal niya rin ako. Pareho n’yo akong mahal kahit pa tinotopak ako minsan.” dugtong ko pa at muling natawa.
Patuloy pa akong tumatawa hanggang sa may isang bagay akong naalala. Iyon din ang naging dahilan para mas lalo akong maging masigla sa pakikipag-usap sa kanya.
“Oo nga pala, Sam! Alam mo bang nakapag-Noche Buena na ako kagabi?!” pagbabalita kong galak na galak. “Sinama ako ng impakto sa bahay nila ni Lola Tasing. At alam mo ba kung ano pa ang magandang nangyari? Nakilala ko ang buo niyang pamilya. At tinanggap nila ako bilang bagong miyembro nila. Sam, may pamilya na ulit ako!” mas masigla ko nang dugtong.
Nagbalik sa aking isipan ang masayang Noche Buena namin kagabi sa bahay nina Lola Tasing. Sa nakalipas na mga taon, ngayon ko lang ulit naranasan iyon. Kagabi ko lang ulit nagawang bumati ng ‘Maligayang Pasko’ sa ibang tao. Higit sa lahat, kagabi ko lang ulit naramdaman na mayroon akong isang masaya at buong pamilya.
Muli kong hinaplos ang lapida ni Sam. Suot na ngayon ang aking tipid na ngiti ay sinimulan ko nang sabihin ang tunay kong pakay.
“Kaya, Sam, pwede ka nang matahimik. Hindi mo na ako ngayon kailangan pang alalahanin. Kasi marami na ngayong mag-aalaga sa akin. Pwede ka nang pumunta sa magandang lugar na dapat matagal mo nang napuntahan kung hindi mo lang ako sinusubaybayan at binantayan. Malaya ka na, Sam… Malaya ka na…” wika ko pa at hindi naiwasang makaramdam ng lungkot.
Matapos kong sabihin ang mga bagay na iyon kay Sam ay taos-puso akong nagdasal. Nanalangin akong sana ay makakuha ako ng sagot mula sa kanya kahit sa pamamagitan man lang ng paramdam.
Hindi pa man ako nagtatagal sa aking pagdarasal, isang pangyayari ang hindi ko inaasahang maganap…
Habang ako ay nakaluhod sa mga mumunting damuhan at nasa tapat ng lapida ni Sam, naramdaman ko ang mainit na pag-ihip ng hangin at mabilis din iyon na bumalot sa aking buong katawan. Hindi pa iyon doon nagtapos. Dahil makalipas lang ang ilang sandali ay napapikit ako. Isang mainit na bagay kasi ang dumampi sa noo ko. Naging dahilan tuloy iyon para dahan-dahang mapapikit ang mga mata ko.
Sinubukan kong abutin ang parteng iyon ng aking mukha. Ngunit nang ito ay tuluyan kong mahawakan, tanging buhok ko lamang ang aking nakapa.
Dahil sa kakaibang pangyayari, isang bagay at karanasan mula sa nakaraan ang nagbalik sa aking isipan.
Hindi ako maaaring magkamali. Ang mainit na hangin at ang mainit na bagay na dumampi sa aking noo, alam kong isang yakap at halik iyon na nagmula kay Sam.
Sigurado ako roon dahil napakapamilyar sa akin ang pakiramdam. Kilalang-kilala ko iyon dahil noong nabubuhay pa si Sam, iyon ang kanyang ginagawa tuwing siya ay aalis at magpapaalam — niyayakap niya ako nang napakahigpit at ang noo ko ay hinahalikan.
Dahil sa naganap ay isang reyalisasyon ang sa aking isip ay pumasok — Si Sam, handa na siyang lumisan. Tuluyan na siya sa aking nagpapaalam. Ito na rin ang kanyang hudyat na ako ay kanya nang pinakakawalan. At iyon din ang kanyang sagot mula sa kanina kong tanong at kahilingan.
Ilang minuto rin siguro ang lumipas at nagbalik na rin ang lamig na bumabalot sa kapaligiran. Marahil ay bumitiw na rin sa pagkakayakap sa akin si Sam.
Unti-unti ay naidilat ko ang aking mga mata. At kasabay rin ng pagbukas ng aking mga paningin, sumilay ang ngiti sa akin.
“Salamat, Sam… Salamat sa sagot… Salamat sa lahat… Paalam na sa ’yo, Sam-sam…” huling bahagi ng mensahe ko sa kanya.
Matapos ang pakikipag-usap kong iyon kay Sam ay lumingon ako sa isang bahagi nitong sementeryo. Tinungo ng aking mga mata ang pwesto kung saan ko iniwan ang isang unggoy mula sa ilalim ng puno. Naroon siya at abala sa pagkain ng ice cream sa halip na saging. Matiyaga rin siyang naghihintay sa akin simula pa nang kami rito ay makarating.
Nang magtagpo ang aming mga mata ay mabilis siyang tumakbo para puntahan ang aking pwesto.
“Tapos na, Jammy?” tanong niyang maligalig habang may malawak na pagkakangiti.
“Mmmm!” sagot ko namang tumatango habang nakangiti rin.
“Tara na! Bago pa ako tuluyang magselos!” pagyaya na niya at bahagya na ring nakabusangot ang kanyang mukha.
Hindi ko maiwasan ang matawa dahil sa naging reaksyon niya. Dahan-dahan ay tumayo na rin ako nang tuwid dahil nakaalalay na rin siya.
Handa na sana kami sa aming pag-alis. Ngunit bago pa namin tuluyang talikuran si Sam, huminto muna si Kim para harapin siya.
“Gusto mo?” alok ni Kim habang ipinapakita kay Sam ang kinakain nitong ice cream.
Natawa na lang ako dahil sa kakulitan ng lalaking ito mula sa aking tabi. Ang akala ko kasi ay importante ang kanyang sasabihin.
“De joke lang,” pagbawi na ni Kim. “Basta, Par, ako na ang bahala kay Jam, ha? Chill ka na lang diyan. ’Wag ka nang umepal dahil seloso ako! Akin lang ang Jam ko!” sumbat pa nito.
Muli ay natawa ako. Aliw na aliw talaga ako sa kakulitan nito.
“Pero, Par, ’wag ka na sanang mag-alala dahil aalagaan ko siya,” muli pang pakikipag-usap ni Kim kay Sam. “Hindi ko maipapangakong mapapantayan ko ang pagmamahal mo noon sa kanya. Pero ipinapangako ko naman na hihigitan pa kita! Tandaan mo ’yan, ha? Kasi mahal ko rin si Jam. Mahal na mahal! Mahal na mahal na mahal! Kuha mo ba?!” mapanghamon niya pang pakikipag-usap.
Mas lalo nang umalingawngaw ang aking pagtawa dahil sa mga narinig ko mula sa kanya. Simula pa kagabi noong magkaayos kaming dalawa, hindi ko na mabilang kung ilang beses na ba ako nitong napasaya.
Matapos ang nakakaaliw na eksena ni Kim ay hinawakan ko na ang kanyang isang kamay upang siya ay awatin. Nag-aalala kasi ako na baka kung ano pa ang kanyang mga sasabihin.
“Tara na nga! Baka mamaya, sumagot pa ’yan, eh! Bahala ka, ikaw rin!” pagbibiro ko sa kanya habang hinihila siya palayo kay Sam.
Nagpatuloy na kami sa paglalakad habang magkahawak ang aming mga kamay. Naghihintay na rin kasi sa amin ang kanyang pamilya mula sa kanilang bahay. May nakatakda kasi kaming lakad upang ipagdiwang pa ang Kapaskuhan.
“Pa-kiss nga muna sa Jammy ko!” paglalambing niya sa akin habang nakanguso siya.
Agad na rumehistro ang pagsimangot sa mukha ko.
“Ayaw ko. May ice cream ka pa sa bibig mo.” nakasimangot kong tugon.
“Luh? Mas masarap kaya ’yon!” pakikipagtalo naman nito.
Gusto ko sanang panindigan ang pagsusungit ko, pero tuwing nangungulit si Kim tulad nito ay lagi akong nabibigo. Kaya naman sa huli, naiiwan akong tumatawa dahil sa pagkaaliw rito.
Sino ang mag-aakala na sa loob lamang ng maiksing panahon ay matatagpuan ko ang taong magbibigay ng dahilan upang magpatuloy ako sa buhay?
Na sa ilang mga araw lamang ay magbabalik ako sa mundo na puno ng kulay?
At sa maikling oras ay naging posible na ang ngiti ko ay muling sumilay?
Lahat ng mga bagay na ito ay nangyari lamang sa akin sa loob ng maikling panahon. Mahirap paniwalaan, pero heto ako at niyayakap ang paglaya na matagal kong inasam.
Hindi sana ito magiging posible. Pero dahil sa pagiging bukas ko sa iba, masasabi kong ako ay nagtagumpay. At kung may dapat man akong pasalamatan dito, walang iba iyon kundi ang lalaking nasa aking tabi at mahigpit na hawak ang kamay ko — si Kim. Siya na binigyan ko ng pagkakataong makapasok sa aking puso.
Kung noon ay kinakausap ko ang aking sarili at sinisimulan ko iyon sa mga salitang, ‘Tatlong taon’ , ngayon ay magsisimula na ang aking kwento sa salitang, ‘Ngayon’ .
Sa wakas ay tapos na ang
tatlong taon
ng aking pakikipagsapalaran. At ang
ngayon
na ang dapat kong harapin at paghandaan.
Ngayon ang simula ko.
Ngayon ang muli kong pagbangon.
Ngayon ang pagyakap ko sa napakagandang mundo.
Ngayon mismong araw ng Pasko.
• • • WAKAS • • •

–
(A/N: Again, Merry Christmas sa inyong lahat, guys! Nawa’y maging masaya ang inyong pagdiriwang ng Pasko saang sulok man kayo ng mundo. Feel free to comment kung nasaan kayo at hayaan n’yong magbatian tayo. Ipadama natin ang yakap ng pagbati kahit tayo ay magkakalayo.
Sana po, sa pagtatapos ng kuwentong ito ay nabigyan kayo ng aral, pag-asa at inspirasyon. Maraming salamat sa pagbabasa nito at sana’y makasama ko pa rin kayo sa mga susunod ko pang mga kuwento. Mahal ko kayo! ❤)
All rights reserved.
Year 2016
cold_deee
12.25.2018

