loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
His Substitute Husband

His Substitute Husband

Cold Deee · 36 chapters · 219,000 words

Author’s Note

Ang kuwentong ito ay hango sa pag-iibigan ng dalawang tao na may parehong kasarian. Lalaki sa lalaki, boyxboy, man to man, o kung ano pa ang ibang katawagan. Kaya kung hindi ka komportable sa ganitong uri ng kwento, maaari mo na itong iwan.

Bubuksan ko ang panibagong kuwento na sana ay makapagbigay-aral sa inyo. Hindi ako magaling na manunulat dahil baguhan lang po ako, kaya sana ay maunawaan ninyo kung may makikita man kayong mga pagkakamali sa spelling, grammar at kung ano-ano pa. Ang tanging hangad ko lamang naman ay bigyan ng kasiyahan, aral at inspirasyon ang mga mambabasa. 

Ang mga pangyayari at lugar na mababanggit sa istoryang ito ay pawang kathang-isip lamang. Kung may katotohanan man dito, iyon ay tanging mga pangalan lamang na hiniram ko mula sa aking ilang mga mambabasa bilang maging karakter o tauhan.

Mahalagang paunawa: Kung may mga pagkakahawig man ang ilang senaryo rito sa mga kuwentong nabasa na ninyo, hindi ko po iyon sinasadya. Maaaring pareho lang din ang takbo ng aking isip sa isang manunulat na gumawa rin ng sariling niyang akda. Tandaan, ang experience ng ibang tao ay maaaring maging experience ko o maging experience mo. ’Wag solohin ang moment. Charot!

Kung may mga nais kayong i-correct o kaya naman ay itanong, ’wag po sana kayong mahihiya. Hindi po ako nangangagat. Hahahaha! Hangga’t kaya rin po ng schedule ko, sumasagot din naman ako sa mga comments na iiwan ninyo. Alam ’yan ng mga taong nakabasa na ng mga isinulat ko. Doon tayo mag-chikahan. Chaarr!!

So, ’yon po, sana ay magustuhan ninyo ang kwentong ito. Maraming salamat po!

#LoveWins

–– cold_deee

PROLOGO

FRANCE POV

Ramdam ko ang bumabalot na lamig sa buo kong katawan. Sa mga oras na ito ay nakakarinig rin ako ng mga iyak at sigawan.

Patay na ba ako?

Bakit wala akong makita sa mga oras na ito?

Bakit hindi ko maigalaw ang katawan ko?

Ano nga ba ang nangyari?

Sa pagkakaalala ako ay nakasakay ako ng barko patungong Maynila. Saglit kong iniwan ang bahay-ampunan kung saan ako lumaki para hanapin ang nag-iisa kong kamag-anak. Gusto ko siyang makita dahil malaki ang posibilidad na masagot ang aking mga katanungan tungkol sa aking pinagmulan.

Ano ang sumunod na nangyari?

Ang alam ko ay nasa kalagitnaan ako ng mahimbing na pagtulog nang makarinig ako ng malalakas na pagsigaw. Sigaw ng takot at sigaw ng pagsaklolo. Noong imulat ko ang aking mga mata ay marami nang tumatakbong tao at pilit na lumalabas mula sa kwarto kung saan naroon din ako.

“Gumising kayo!!!”

“Lahat kayo!!! Gumising kayo!!!”

“Tumayo na kayo!!!”

“Lumabas na tayo rito!!”

“Lulubog na ang barko!!!”

Natawa ako nang maalala ko ang senaryong iyon. Kung paano ko yakapin ang nag-iisang bag na aking dala-dala dahil naroon ang aking gamit at mahahalagang dokumento. Naaalala ko kung paano ako nakipagsiksikan sa dami ng taong gustong makaligtas sa barkong sinakyan ko. Lahat iyon ay natatandaan ko.

Ngunit, sa kalagitnaan ng aking pagtakbo kasabay ang ilan pang mga pasahero ay nakarinig kami ng malakas na pagsabog sa barko. Kasunod nito ay hindi ko na alam ang mga naging kaganapan. Wala na akong maalala kahit isa.

Buhay pa ba ako?

Ayoko. Hindi ako papayag. Gusto ko pang mabuhay. Marami pa akong gustong gawin. Marami pa akong gustong balikan lalong-lalo na ang mga batang ako na ang nagpalaki sa pinanggalingan kong bahay-ampunan.

Kahit tila isang panaginip ang aking kinasasadlakan ay pinilit kong imulat ang mga mata ko. Dahan-dahan kahit pa nanghihina ang buong katawan ko.

Pero….

Dapat ba ako ngayong matuwa sa aking mga nakikita?

Sa ilalim ng gabi ay nasa gitna rin ako ng karagatan. Tulad ko ay marami ring tao ang nasa ibabaw ng tubig. Magkakaiba ang edad, may matatanda at mga bata.

Mayroong patuloy na umiiyak, mayroon namang patuloy na sumisigaw ng paghahanap. Mayroong nakakapit sa mga lumulutang na kagamitan ngunit tila wala nang buhay dahil sa pagkakatulala. Nanginginig ang kanilang mga labi sanhi ng lamig mula sa karagatan. Pero ang mas nakakalungkot sa aking mga nakikita, mas maraming tao ang nakalutang na lang at alam kong wala na ring hininga sa mga oras na ito.

Gusto kong tumulong sa mga nakaligtas lalo na sa mga bata, pero kahit anong subok kong igalaw ang aking katawan ay hindi ko magawa.

“Diyos ko… ’W-wag po… Nakikiusap po ako… Gusto ko pa pong mabuhay… Marami pa po akong gustong gawin… Marami pa po akong gustong balikan at hanapin… Nakikiusap po ako… ’Wag po muna Ninyo akong bawiin…” nanghihina kong panalangin habang nanginginig ang aking labi dahil din sa lamig.

Nakakaramdam ako ng takot ngunit nilalabanan ko ito. Alam kong mapanganib dito sa gitna ng dagat ngunit sinikap kong magpakatatag kaya paulit-ulit na lang ang pagdarasal ko.

Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na nananalangin. Matagal-tagal din iyon hanggang sa may mapansin akong isang tao na nakasuot ng life vest at lumulutang din sa tubig. Hindi ako sigurado kung buhay pa siya dahil wala siyang kagalaw-galaw at nakapikit ang mga mata niya.

Pinagmasdan ko siyang mabuti. Hindi ko maipaliwanag, ngunit tila may nag-uutos sa akin na ’wag kong alisin sa kanya ang aking paningin.

Dala ng alon ay nasaksihan ko kung paano siya mas lalo pang nakakalapit sa aking pwesto. May katagalan din iyon hanggang sa ang ilang metro naming layo ay naging isang dipa na lang sa mga oras na ito. Dito ko rin nakita nang malinaw ang mukha ng lalaking kanina pa tinatanaw ng mga mata ko.

Pero….

“P-panginoon… ’Wag po… ’Wag muna po… Hindi pa po ako handa…” panalangin kong muli kasabay na ng aking mga luha.

Hindi ko mapigilang panghinaan dahil sa aking nasaksihan. Kitang-kita ng dalawang mata ko ang mismong katawan ko. Malinaw sa akin na ako rin mismo ang taong ngayon ay lumulutang sa malawak na karagatang ito.

Dahil sa reyalisasyon ay mas lalo nang nag-unahan ang mga luha ko. Tuluyan nang nawala ang natitira kong pag-asa na maituloy ang buhay ko.

Ayaw kong isipin, ngunit sa tingin ko ay espirito na lamang ako sa mga oras na ito. Sa tingin ko ay patay na talaga ako. Dahil kung buhay pa ako, sana ay hindi ko nakikita ang sarili ko.

Patuloy lang akong umiiyak habang nakatingin sa katawan kong nasa harap ko mismo. Mawawalan na sana ako ng pag-asa ngunit umalingawngaw ang boses ni Sister Martina sa isip ko.

“France anak, ’wag kang mawawalan ng pag-asa. Patuloy ka lang na manalangin dahil hindi ka pababayaan ng nasa itaas. Lumaban ka. Lumaban ka, France, dahil lagi mo Siyang kasama.”

’Yan ang laging sinasabi sa akin ni Sister Martina simula pa pagkabata. Kaya simula pa noon ay natutunan ko nang idaan ang lahat ng problema sa ngiti at tawa.

Tama si Sister Martina. Magdadasal na lang ulit ako hanggang sa marinig Niya ang boses ko. Paulit-ulit kong gagawin iyon hanggang sa tuparin ng Maykapal ang panalangin ko.

Sa kabila ng lungkot dahil sa katotohanang nakahiwalay na ako sa aking katawang-lupa ay nagbaka-sakali pa rin ako. Taimtim at paulit-ulit akong nanalangin na sana ay makabalik ako sa katawan ko.

Matagal kong ginawa iyon hanggang sa muling magdilim ang paligid ko…

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

“Hihi! Ang tagal naman gumising ni Papa! Gusto ko na siyang mayakap, Ate Kryz!”

“Ssshhh!! ’Wag mong masyadong lakasan ang boses, Marl! Baka lalo siyang matulog nang matagal dahil sa kakulitan mo?!”

“Eeehh?? Hindi ba tayo nami-miss ni Papa? Ang tagal na niyang natutulog, eh.”

“Siyempre, nami-miss niya rin tayo. Pero sabi nga ni Daddy, magigising din daw si Papa once na makabawi na ang katawan niya.”

“Ang tagal naman kasi, eh… Gusto ko na siyang makausap…”

“Ano naman ang sasabihin mo? Eh, puro kakulitan lang naman ang alam mo!”

“Ehh?!! Ate Kryz naman, eh!!”

Nakakarinig ako ng boses ng mga bata. Kadiliman man ang bumabalot sa akin ngayong oras na ito ay hindi ko maiwasang makaramdam ng saya dahil sa mala-anghel na boses nila.

“Papa, gumising ka na, please? ’Pag gumising ka na, promise po, magiging mabait na ako. Hindi na ako mangungulit sa ’yo.”

“Sus! Ayan ka na naman, Marl! Pero ’pag nagising na si Papa, sigurado akong pupuyatin mo na naman siya dahil magpapakwento ka na naman ng dalawang books bago ka matulog!”

Nagtatalo silang dalawa ngunit nakakatuwa ang paraan ng pagtatalo nilang iyon.

“Hala, Ate Kryz! Nakita mo ba?! Ngumiti si Papa!!”

“Hindi naman, ah?! Gano’n pa rin siya! Nagsisimula ka na naman sa paggawa mo ng kwento, ha?!”

Sino ba sila? Sino ba ang mga batang ito? Hindi ko matandaan ang mga boses nila, pero nakakatuwang may naririnig na naman akong tinig ng mga bata.

Gusto ko silang makita. Gusto kong makipag-usap sa kanila. Miss na miss ko na ang makipagkulitan sa mga bata tulad ng ginagawa ko noon sa bahay-ampunan. Gusto ko nang ipagpatuloy ang pag-aalaga sa mga tulad nila.

Sandali? Hindi kaya mga anghel talaga sila? Hindi kaya tuluyan na akong umalis sa lupa? Nasa langit na kaya ako?

Ibig ba nitong sabihin ay hindi pinagbigyan ng Diyos ang kahilingan kong madugtungan ang buhay ko?

Nakakalungkot, pero hanggang dito na lang siguro ako. Siguro nga ay tapos na ang misyon ko kaya kailangan na Niyang bawiin ang buhay ko.

“Papa? Bakit ka umiiyak?”

“Papa? Naririnig mo ba kami? Gising ka na ba, Papa?”

Narinig ko na naman ang boses ng mga bata. Ako ba ang kausap nila? Pero bakit tinatawag nila akong Papa?

“Papa?”

“Papa? Papa, buksan mo ang mga mata mo kung naririnig mo kami… Igalaw mo na po ang katawan mo, please..?”

Buksan ang mga mata? Igalaw ang katawan?

Ako ba ang kinakausap nila?

“Kahit dahan-dahan lang, Papa… Please naman po… Gumising ka na…”

“Papa… Miss na miss na po namin kayo…”

Teka? Umiiyak ba sila?

Hindi. Hindi sila dapat umiyak. Dapat ay lagi lang silang masaya tulad ng lagi kong sinasabi sa mga batang nasa bahay-ampunan.

Kailangan kong gumawa ng paraan. Ako man ang kanilang kinakausap o hindi, ayaw kong marinig na umiiyak sila. Kailangan kong kumilos, kailangan ko silang patahanin. Hindi ko kakayaning may nalulungkot na bata.

Mabigat ang katawan ko, ngunit sa kabila nito ay sinikap kong ikilos ang katawan ko. Pinakiramdaman ko muna ang aking sarili at sinimulan ko ang pagkilos sa pamamagitan ng paggalaw ng aking mga daliri.

Hindi ko alam kung isa ba itong himala, ngunit nang maigalaw ko ang daliri kong iyon ay gumaan na rin ang aking pakiramdam. Tila naging normal na rin ang lahat maging ang hanging pumapasok sa aking katawan.

Unti-unti, mula sa paggalaw ng aking daliri ay ginawa ko naman ang lahat para buksan ang aking mga paningin.

“U-uhmm…” hindi ko naiwasang pagdaing dahil nasilaw ako sa liwanag na sumalubong sa mga mata ko.

“P-papa???”

“Papa??!!”

Naririnig ko pa rin sila ngunit hindi ko pa sila nakikita. Naipikit ko kasing muli ang aking mga mata dahil sa liwanag na nasa itaas.

Gusto kong masilayan ang mga bata. Gusto kong abutin ang kanilang mga pisngi para punasan ang kanilang mga luha.

May ilang segundo rin akong naghanda, tiniyak kong handa nang muli ang aking mga mata sa pagbukas.

Napangiti akong muli nang masilayan ko na nang tuluyan ang liwanag. Sa wakas, nagkakaroon na ng linaw ang paligid ko. Nakikita ko na ang dalawang imahe sa aking ibabaw bagama’t malabo pa ito.

Naghintay pa ako ng ilang sandali hanggang sa ang malabo kong paningin ay tuluyan nang maging malinaw.

“Papa??! Gising ka na!!” sigaw ng batang babae habang umiiyak.

“Papa!!! Gising na ang Papa ko!!” salubong naman ng isang batang lalaki na lumuluha rin sa mga oras na ito.

Hindi ko maiwasang mapangiti habang pinagmamasdan ang dalawang bata na nasa ibabaw ko. Pareho silang cute at maaamo ang kanilang mga mukha. Pero mabilis din na nawala ang pagkakangiti ko dahil muli kong nakita ang paglandas ng kanilang mga luha.

Hindi ko maipaliwanag, ngunit nang makita ko ang kanilang mga pag-iyak ay nagkaroon ako ng lakas. Kaya naman, agad akong umahon mula sa pagkakahiga.

“T-teka! Tahan na, mga bata! ’Wag kayong umiyak! Sino bang nagpaiyak sa inyo?!” natataranta kong tanong at pinunasan ko ang kanilang mga luha gamit ang mga palad ko.

Magtatanong pa sana akong muli sa kanila ngunit naunahan na nila akong dalawa.

“Papa!!!”

“Papa!!!”

Nasorpresa ako dahil matapos nilang sumigaw ay agad din nila akong niyakap na dalawa.

“H-ha?? T-teka!! A-anong… Sinong––”

“Akala namin, hindi ka na gigising…”

“Na-miss ka namin, Papa…”

Hindi ko naituloy ang tangka kong pagtatanong sa kanila dahil sa patuloy nilang pag-iyak. Nagsimula na rin akong balutin ng katanungan sa kanilang mga salitang binibigkas.

Ramdam ko ang pangungulila sa dalawang batang ito habang sila ay nasa bisig ko. Ramdam ko ang labis nilang lungkot habang yakap nila ako.

Hindi ako makagalaw. Ang tanging nagawa ko lamang ay haplusin ang kanilang mga likod. Magulo man ang aking isip ay nangibabaw pa rin sa akin ang pagnanais na mapagaan ang kanilang pakiramdam.

Habang patuloy silang umiiyak ay inilibot ko ang aking mga mata sa paligid. Muli akong nakaramdam ng labis na pagtataka dahil sa aking mga nakikita.

Nasa isang malaking kwarto ako na may magagarang kagamitan. Isang kwarto na napakaganda ang disenyo. Nakaupo ako sa malaki at napakalambot na kama habang ang dalawang bata ay nasa bisig ko.

Nasaan ako?

Anong ginagawa ko sa lugar na ito?

Sino ang mga batang ito?

Hindi ko alam kung ilang minuto kaming nasa ganoong posisyon. Nasa bisig ko lamang ang mga batang patuloy na umiiyak habang ako ay nasa malalim na pag-iisip dahil sa aking mga nabungaran.

Ilang sandali pa ay naputol kami sa ganoong tagpo nang bumitiw ang batang babae sa akin at mabilis na bumaba ng kama na aming inuupuan. Halos takbuhin nito ang pinto ng kwarto at sumigaw ito.

“Daddy!!! Gising na po si Papa!!!” sigaw nito mula sa pinto.

Muling nangunot ang noo ko. Mas lalo na rin naguluhan ang isip ko. Masyado na akong nilamon ng pagtataka kung sino silang dalawa, pero heto at may tinatawag na naman ang isang bata.

“T-teka––”

“Papa…. Miss na miss po kita…” pagputol sa akin ng batang lalaki na nanatili sa akin na nakayakap.

“P-papa..?” nagtataka kong tanong sa kanya. “S-sinong Papa..?” sunod ko pang tanong na naguguluhan.

Naging mabilis na ang tibok ng puso ko. Hindi na lang pagtataka ang nararamdaman ko sa mga oras na ito, nagsisimula na akong kabahan at balutin ng takot ko.

May mali.

Mayroong maling nangyayari ngayon.

Magtatanong pa sana akong muli sa bata ngunit hindi ko na iyon naituloy nang may pumasok sa kwarto kung nasaan kami ng mga batang naririto.

Bumungad sa amin ang lalaking nanlalaki ang mga mata nang makita ang imahe ko.

Hindi ako nakapagsalita dahil sa muling pagkabigla. Ang nagawa ko lamang ay ang pagmasdan ang lalaking hindi pamilyar sa akin ang mukha.

Matangkad ang lalaki at maganda ang pangangatawan. Hapit ang suot niyang t-shirt kaya bumabakat ang kanyang maumbok na dibdib. Kahit may ilang metro rin ang layo namin sa isa’t isa ay namangha ako sa gwapo niyang mukha na tila isang artista. May magagandang pares siya ng mga mata na nababagay sa makapal na kilay niya. Matangos din ang kanyang ilong at medyo mapula ang labi niya. Makinis din ang kanyang balat na may katamtamang puti na bagay rin sa kanya.

“God! Finally, gising ka na!” mangha niyang sambit at nagbitiw ng malapad na ngiti.

Hindi ko nagawang tumugon. Bukod kasi sa namamangha pa rin ako sa lalaking bagong pasok ay mas lalo na rin dumami ang katanungan ko ngayon.

Nananaginip lang ba ako? Bakit parang kilala nila ako? Bakit ganoon na lang sila kasaya na makitang gising na ako?

Mabilis na naglakad ang lalaki kasabay na rin ang batang babae at pumwesto sila sa aking tabi. Suot pa rin ng lalaki ang namamangha niyang ekspresyon kasabay ng kanyang magandang ngiti.

“Are you okay? May masakit ba sa ’yo? Tell me!” sunod-sunod niyang tanong at hinawakan ang pisngi ko.

Dito na ako tuluyang nagising. Hindi ako naging komportable sa ginawa niyang paghawak sa aking pisngi.

“Sandali nga!” sambit ko at hinawi ko ang kamay ng lalaking humawak sa aking pisngi. “Sino ka ba?! Bakit mo ba hinahawakan ang mukha ko?!” sunod ko pang pagtatanong habang nakakunot ang noo ko.

Matapos kong tanungin ang bagay na iyon ay binalot ng katahimikan ang kapaligiran. Nasaksihan ko kung paano mabilis na naglaho ang ngiti sa labi ng tatlong tao sa aking harapan.

“Papa..?” tanong na nagtataka ng batang babae.

“Papa..? Are you okay..? Galit ka po ba kay Daddy..?” tanong naman ng batang lalaki.

Ngayon ay sigurado na ako. Walang ibang tinatawag na ‘Papa’ ang mga batang ito kundi ako.

“Teka nga?! Sino ba kayo?! Kanina pa kayo tawag nang tawag sa akin na ‘Papa’! Hindi ko kayo kilala! Bakit n’yo ako tinatawag na ‘Papa’?!” tanong kong may kalakasan sa dalawang bata.

Hindi nakasagot ang dalawang bata at mas rumehistro ang pinaghalong pag-aalala at lungkot sa kanilang mga mukha.

Mabait ako kung sa mabait. Mahilig ako sa bata at mahal na mahal ko ang mga tulad nila. Pero kung ganito naman ang bubungad sa akin, wala akong pagpipilian kundi ang komprontahin sila.

Bumitiw ang batang lalaki sa akin at mabilis na nagpunta sa babaeng bata.

“Ate Kryz… A-anong nangyari kay Papa..? Bakit ganyan siya..?” umiiyak na pagsusumbong ng batang lalaki sa kanyang Ate.

“Sinabi ko nang hindi n’yo ako Papa! Ano bang pinagsasabi ninyo?!” mas malakas ko nang pagkontra sa kanila.

Aaminin ko, nakakaramdam na ako ng galit sa mga oras na ito. Pakiramdan ko kasi ay pinagkakatuwaan ako.

Hindi nakasagot ang batang babae sa kanyang kapatid dahil mukhang naguguluhan din ito sa mga nangyayari.

“Please, ’wag mo naman sigawan ang mga bata.” ang biglang pagputol sa akin ng lalaki na ilang saglit ding nanahimik.

Nilingon ko siya habang salubong na rin ang dalawa kong kilay dahil sa labis na inis.

“At ikaw?! Sino ka naman?! Ano mo ba ’tong mga batang ’to?! Bakit––”

“Anak natin sila! Kaya hindi mo sila dapat na sigawan!” pagputol nito sa akin sa tonong puno ng pagtitimpi.

Nanlaki ang mga mata ko. Akala ko ay wala na akong ikakagulat pa sa mga oras na ito, pero heto at may panibagong sorpresa pa pala ang madidiskubre ko.

“Ano??!!!” naitanong ko na lang nang pasigaw dahil sa labis na pagkabigla.

Dahil sa lakas ng boses ko ay nagulat ang mga bata. Mukhang natakot sila kaya mabilis silang bumaba sa kama habang magkayakap. Sa pagkakataong ito ay sabay na rin silang umiiyak nang malakas.

“Please, naman! ’Wag mo naman takutin ang mga bata!” pagsaway ng lalaki sa aking tabi. Hinawakan din nito ang aking kamay para pakalmahin ako.

Dahil sa patuloy pa rin akong naguguluhan ay mabilis ko na namang binawi ang kamay kong iyon mula sa lalaki. Hindi pa ako nakuntento roon, itinulak ko rin siya sa kanyang dibdib na naging dahilan para makaalis siya sa kama na aming inuupuan.

“Sino ba kayo?!! Ikaw?!! Kayo ng dalawang batang ’yan?!! Sino ba kayo?!! Saka anong anak natin ang pinagsasabi mo?!! Wala akong anak!! Naiintindihan n’yo ba?!! Wala akong anak!!” sigaw ko sa kanilang tatlo habang dinuduro sila.

Mas lalong lumakas ang iyak ng mga bata. Sa pagkakataong ito ay ramdam ko na rin ang labis na lungkot nila. Ayaw ko man na makitang umiiyak sila ay wala akong magagawa. Kailangan kong depensahan ang aking sarili bago pa ako mapahamak.

“Kryz, bumalik muna kayo ng kapatid mo sa kwarto ninyo. Mag-uusap lang kami ng Papa mo.” biglang utos ng lalaki sa dalawang bata.

Hindi naman nakapagsalita ang batang babae ngunit tumugon ito ng pagtango. Kasunod nito ay inalalayan niya ang kanyang kapatid na lumabas mula rito sa kwarto.

May ilang minutong katahimikan pa ang namayani bago muling nagsalita sa mahinahong paraan ang lalaki.

“Sa tingin ko, may mga kailangan kang intindihin sa mga nangyayari. Huminahon ka muna. Hindi maganda kung nagpa-panic ka.” panimula ng lalaki.

Sa halip na kumalma ako ay mas lalo lang akong nakaramdam ng inis.

“Huminahon?! Paano ako hihinahon?!! Gigising ako nang may dalawang bata na tinatawag akong ‘Papa’ kahit hindi ko naman sila kilala! Wala akong anak, okay?!” sagot kong pasigaw sa lalaki. “Sabihin n’yo nga ang totoo!! Kidnapping ba ’to?!! Kasi kung kidnapping nga itong ginagawa ninyo, wala kayong mapapala dahil wala akong pera!! Wala kayong makukuha kahit na isang kusing galing sa akin dahil wala akong pamilyang tutubos sa akin!!” dugtong ko pang pagtatanong at pagpapaintindi sa kanya.

Gumuhit ang hindi makapaniwalang reaksyon mula sa kanya.

“What?! What makes you think that way, Weldy?! Mukha ba kaming kidnapper ng mga bata?! Isa pa, saan ka naman nakakita ng mga batang kumidnap sa mas matanda sa kanila?! Anak mo sila!! Anak nating dalawa dahil asawa kita!” may kalakasang sagot niya sa akin.

Natigilan ako sa kanyang mga sinabi. Mas lalo na rin akong naguluhan sa mga pangyayari.

“U-ulitin mo nga ang sinabi mo..?” nauutal kong utos sa kanya habang nanlalaki ang aking mga mata.

Huminga nang malalim ang lalaki at naihilamos niya pa ang kanyang isang palad sa kanyang mukha.

“Anak natin ang dalawang batang ’yon,Weldy. Sina Kryz Mir at Marl Krist. Sila ang mga anak nating dalawa. Asawa mo ako at asawa kita.” madiin niyang paglilinaw sa sinabi niya kanina.

Napailing ako dahil sa pagkasorpresa.

“I-imposible…” nauutal ko lang na reaksyon dahil sa aking nadiskubre.

Hindi ako makapaniwala. Una ay tinawag niya akong Weldy kahit hindi iyon ang pangalan ko. Pangalawa ay sinabi niyang anak namin ang dalawang batang iyon. At pangatlo, asawa ko siya?!

Anong bangungot ba ’to?!

“Imposible? Paano mo nasabing imposible?” tanong niyang naguguluhan sa akin.

Gusto ko nang magising kung isang panaginip man ang nangyayaring ito. Napakaimposible ng kanyang mga sinabi.

Kumuha ako ng isang unan mula sa aking tabi at ibinato iyon sa lalaki. Nagbaka-sakali akong sa paraang ito ay magigising na ako sa panaginip ko.

“Imposible ’yang sinasabi mo!! Lalaki ako!! Lalaki ka!! Paano mo sasabihing mag-asawa tayong dalawa?!! Hindi rin Weldy ang pangalan ko!! Hindi n’yo ako malilinlang!! Mga manloloko kayo!! Masasama kayong tao!!!” galit na galit kong sigaw sa kanya habang ibinabato ang ilan pang mga unan na nasa aking tabi.

Walang nagawa ang lalaki kundi ang ilagan ang mga unan na ibinabato ko sa kanya.

Magsasalita pa sanang muli ang lalaki ngunit hindi na nito naituloy nang biglang bumukas ang pinto nitong kwarto.

“Kuya Oliver!!! Si Marl po!! Si Marl po!!” sigaw ng isang babae na nakasuot ng uniporme ng isang kasambahay. Habang isinisigaw din ng babae ang mga salitang iyon ay sinasabayan na rin iyon ng kanyang pag-iyak.

Pareho kaming natigilan ng lalaki. Nasaksihan ko kung paano nanlaki ang mga mata ng lalaking kanina lamang ay sinasalo ang mga unan na ibinabato ko sa kanya.

“Sh*t!!” sambit lang nito at natatarantang lumabas mula rito sa kwarto.

Hindi ko na maintindihan ang mga nagaganap. Halo-halo na ang mga katanungan sa isip ko. Wala akong nagawa kundi ang manatili rito sa kama na nakaupo.

Ilang sandali pa lamang ay nakarinig ako ng malalakas na ingay mula sa ibang bahagi ng bahay na ito. Dinig na dinig ko ang ilang mga pag-iyak lalo na ng batang babae.

Nakaramdam ako ng kaba dahil sa paraan ng pag-iyak nila. Sumisigaw sila at paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ng batang lalaki.

Dito na ako kumilos. Mabilis akong bumaba mula sa kama at tinumbok ang pintuan ng kwarto. Nang makalabas ako ng pinto ay nakita kong nasa malaking bahay nga ako. Nasa ikalawang palapag ako at sa ibaba naman ay ang malaking sala nito.

“Ate Aning!! Buksan mo na ang gate!! Ate Loca!! Kunin mo naman ang susi ng kotse ko!! Sumama ka na rin sa akin sa ospital!! Kryz!! Maiwan ka rito!!” nadinig kong sigaw ng lalaki na kanina lamang ay kausap ko mula sa kabilang kwarto.

Matapos ang mga pagsigaw na iyon ay nasaksihan ko kung paano silang lahat na lumabas mula sa kabilang kwarto na katabi rin nitong kwarto kung nasaan ako. Karga ng lalaki ang batang lalaki sa kanyang bisig. Lahat sila ay nagkakagulo kaya nataranta na rin ako.

Mabilis silang lahat na kumilos at patakbong bumaba mula rito sa ikalawang palapag. Nang mapadaan sila sa aking tapat ay nakita ko pa ang batang lalaki na tila naghahabol ng kanyang hininga habang karga ng kanyang ama. Mas lalo na akong binalot ng takot dahil nakita ko ang pamumutla ng bata iyon kahit pa may bagay na nakadikit sa kanyang bibig na tila isang oxygen.

Sinundan ko sila hanggang sa makarating kami sa unang palapag maging nang makarating kami sa garden kung nasaan nakaparada ang isang magarang kotse. Mabilis na kumilos ang dalawang kasambahay para sundin ang utos ng lalaki. Nang mabuksan ang kotse ay agad din niyang isinakay roon ang kanyang anak. Kasunod nito ay hinarap niya ako habang nanlilisik ang kanyang mga mata.

“Mag-uusap tayo mamaya! Hindi ka aalis ng bahay, naiintindihan mo?!” mariin nitong utos sa akin.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko, ngunit natagpuan ko na lamang ang aking sarili na tumatango bilang pagsagot sa kanya habang nanlalaki ang mga mata ko.

Matapos iyon ay mabilis na rin ako nitong tinalikuran at pumasok na sa kanyang kotse. Pinanood ko pa sila hanggang sa makalabas sila ng gate. Mabilis ang kanyang pagmamaneho habang paulit-ulit na bumubusina ito senyales na isang emergency ang nagaganap sa loob nito.

Naiwan akong nakatulala lamang dahil gulong-gulo pa rin ako. Katabi kong nakatayo ang batang babae na patuloy pa ring umiiyak nang malakas sa mga oras na ito.

“A-anong nangyari..?” nauutal kong tanong sa batang babae matapos ko siyang lingunin.

Hindi agad nakasagot ang batang babae. Rumehistro muna ang galit sa kanyang mukha bago siya nagsalita.

“I hate you, Papa!!! I hate you!!!” sigaw nito sa akin.

Napaatras ako dahil sa labis na pagkagulat sa kanyang pagsigaw kaya hindi rin ako nakaimik.

“Sa oras na may mangyari sa kapatid ko, hindi kita mapapatawad, Papa!!! Galit ako sa ’yo!!! Galit ako sa ’yo!!! Alam mong gano’n ang kondisyon ni Marl, ’di ba?!! Pero sinaktan mo pa rin siya!! Galit ako sa ’yo, Papa!! Galit ako sa ’yo!!!” mahaba pa nitong sumbat habang umiiyak.

Matapos niya rin isigaw ang mga panunumbat niyang iyon ay patakbo rin siyang umalis mula sa aking harapan at tinumbok ang loob ng malaking bahay.

Ramdam na ramdam ko ang galit sa akin ng batang babae na sinasabayan din ng nakakalunod niyang lungkot.

Napahawak na lang ako sa aking ulo at nasabunutan ang buhok ko.

“Diyos ko… Ano ba itong napasok ko?” mahina kong pagtatanong sa aking sarili.

May ilang segundo pa akong nakatayo lamang sa malawak na hardin ng bahay na ito hanggang sa maramdaman ko ang paglapit ng isang kasambahay ng nagsara ng gate. Nilingon ko siya habang naguguluhan pa rin ang ekspresyon ko.

“Kuya Weldy, masaya ako na nagising ka na…” panimula nitong nakangiti habang lumuluha. “Pero mukhang wala pong selebrasyon na mangyayari dahil isinugod na naman sa ospital si Marl… Nakikiusap po ako, ipagdasal n’yo rin po sana siya…” dugtong pa nitong pakiusap.

Naguguluhan pa rin ako, pero dahil sa nangyari ay hindi ko rin maiwasan ang maging emosyonal dahil sa nakita kong kondisyon ng batang lalaki.

Naikagat ko ang aking ibabang labi para pigilan ang mga luha ko. Pakiramdam ko kasi ay malaki ang pananagutan ko dahil sa nangyari sa batang lalaki. Malinaw sa akin ang sumbat ng batang babae, ako ang may kasalanan kung bakit kailangang isugod sa ospital ang kanyang kapatid.

Mas lumapad ang ngiti ng kasambahay na nanatiling nakatayo sa aking tabi.

“Sige po… Susundan ko muna po si Kryz sa kwarto niya… Tawagin na lang po ninyo ako kung may kakailanganin kayo… Nandoon lang po kami sa kabilang kwarto…” pagpapaalam na nito.

“S-sige…” nauutal ko lamang na sagot habang tumatango.

Matapos iyon ay mabilis din na kumilos ang kasambahay na iyon para sundan ang batang babae. Naiwan akong nakatayo habang nakatulala sa malawak na hardin ng malaking bahay na ito.

Tumingala ako sa langit na ngayon ay maaliwalas.

“Diyos ko, ano po ba itong nabungaran ko? Ito po ba ang ibinigay Ninyong pagkakataon sa akin para madugtungan ang buhay ko?” tanong ko sa Kanya.

Naguguluhan ako. Hindi ko alam ang dapat na gawin ko.

Ano ba itong napasukan ko? Hindi ito ang inaasahan ko. Ang tanging intensyon ko lamang ay hanapin ang nag-iisang kamag-anak ko. Pero bakit ganito ang nangyari sa paggising ko?


A/N

Sana po ay nagustuhan ninyo ang Prologo nitong kwento. Kung hindi naman po, sorry na po. 😅

Para po kay

JhayjhayJovelo

ang chapter na ito. Ingat ka sa pupuntahan mo! 😘

Hanggang sa muli po! Salamat sa mga patuloy na mga sumusuporta!

Mahal ko kayo!

–– cold_deee ❤

01.21.2017

Chapter 1


FRANCE POV

Sumapit ang gabi mula nang dalhin ng lalaking ngayon ko lang nakilala ang kanyang anak sa ospital. Aminin ko man o hindi, nag-aalala na rin ako sa bata.

’Wag naman sana, pero sakaling may mangyaring hindi maganda sa batang iyon ay baka hindi ko na mapatawad pa ang sarili ko. Tama ang sinabi kanina ng Ate Kryz niya, ako ang dapat sisihin dahil sa inasal ko kanina sa kanila. Sana pala ay nagpakahinahon ako, sana pala ay kinausap ko nang maayos ang mga ito.

Naririto lang ako sa pinto ng bahay at hinihintay sa pagdating ng kanilang ama. Nasabi kanina sa akin ng kasambahay nilang si Ate Aning na pauwi na rin daw ito kaya gusto ko itong makita para makibalita.

Nakakaramdam na ako ng gutom, ngunit wala akong ganang kumain dahil sari-saring bagay na ang nasa isip ko. Naguguluhan na ako sa nangyayari ngayon, nadadagdagan pa ito sa pag-aalala ko sa bata na hanggang ngayon ay nasa ospital pa rin.

Ngayon lang din naging tahimik ang buong bahay. Simula kasi nang makaalis ang ama ng mga bata ay hindi na rin tumigil sa pag-iyak ang batang babae sa kanyang kwarto. Hindi na rin siya kumain ng tanghalian dahil pa rin sa pag-aalala sa kapatid nito.

Nasa malalim akong pag-iisip nang bigla akong makarinig ng pagtawag mula sa likuran ko.

“Kuya Weldy,” tawag ng kasambahay rito na si Ate Aning.

Isa pa ang bagay na ’yan. Hindi lang ang ama ng mga bata ang tinatawag akong Weldy, maging ang kasambahay nilang ito ay paulit-ulit akong tinatawag sa pangalang iyon.

Hindi Weldy ang pangalan ko.

Tinatawag akong France ng mga nakakakilala sa akin. Francisco Castillo ang buong pangalan ko na ang mga dating madre pa sa bahay-ampunan ang nagbigay sa akin nito.

Dahan-dahan kong nilingon ang kasambahay na nagpakilala sa akin kanina. Nagulat pa siya kanina noong itanong ko ang pangalan niya. Paulit-ulit niya rin akong tinanong pabalik kung nakalimutan ko na raw ba? Sumagot na lang ako ng ‘oo’ para makaiwas pa sa maraming katanungan niya.

“Bakit po?” tanong ko sa kanya.

“Kuya, kumain na po kayo. Wala pa pong laman ang sikmura n’yo. Makakasama po ’yan sa inyo. Kailangan n’yong bumawi sa pagkain ngayong gising na kayo.” pag-aalala nito sa akin.

Hindi ko muna siya sinagot. Muli akong bumalik sa pagtanaw sa malaki nilang gate dahil naghihintay pa rin ako sa pagdating ng ama ng mga bata.

“Kumain na po ba ang bata?” tanong ko pabalik sa kanya. Tinutukoy ko ang batang babae na nagkukulong pa rin sa kwarto niya.

Kahit naman ganito ang nangyari, hindi ko pa rin maiwasang mag-alala. Kanina ko pa naririnig ang iyak ng batang iyon. Napatigil lang siya noong makatanggap siya ng tawag mula sa kanyang ama na pauwi na ito.

“Kumain na po siya. Pinilit siya ni Kuya Oliver noong magkausap sila sa telepono kanina.” sagot sa akin ni Ate Aning.

Oliver.

Iyon lang ang nalaman ko tungkol sa ama ng mga bata. Wala na akong nalaman pa mula sa lalaking iyon na nagpakilala sa akin bilang aking asawa.

Nakaramdam ako ng pangingilabot habang iniisip kong mag-asawa kaming dalawa.

Hindi ako klase ng tao na mapanghusga. Lumaki ako sa pangangalaga ng mga madre, lumaki akong may pangaral na ’wag hahamakin ang iba maging ang kasarian nila. Pero kahit minsan, hindi ko naisip na may asawa akong kapwa ko lalaki. Kung sa babae nga ay naiilang ako kaya nga wala pa akong nagiging girlfriend, sa lalaki pa kaya? Sinong bang hindi mababaliw sa pag-iisip nito?

“Kuya, sabi po kasi ni Kuya Oliver, pilitin daw po kitang kumain kahit kaunti. Sige na naman po. Baka mapagalitan niya ako ’pag hindi ko nasunod ang utos niya.” pakiusap ni Ate Aning makalipas ang ilang sandali.

Isa pa ang bagay na iyan. Paano naman ako makakakain kung ganito ang sitwasyon ko? Unang-una, hindi ko bahay ito. Nakakahiya na kumain ako rito samantalang wala akong kilala kahit na isa man lang sa kanila.

Muli kong nilingon si Ate Aning at nagbitiw ako ng tipid na ngiti sa kanya.

“Tatawagin ko na lang po kayo kung kakain na ako, Ate. Hayaan n’yo po, ako na lang din ang kakausap sa kanya para hindi ka niya mapagalitan.” simple kong pagtanggi sa kanya. “Kung pwede po sana, balikan n’yo na lang ang bata para may kasama siya.” utos ko pa sa kanya.

“Sigurado po ba kayo?” paniniguro nito.

“Oo naman po.” sagot ko at mas lumapad na rin ang pagkakangiti ko.

Mukhang nakumbinsi ko naman siya dahil sinagot niya ako ng marahang pagtango. Dahan-dahan niya rin akong tinalikuran para tunguhin ang kwarto ng batang babae na nagngangalang Kryz.

Naiwan ako sa pinto ng bahay at nagbalik sa pagkakatulala ko. Muli akong binulabog ng pag-iisip sa nangyayari ngayon sa buhay ko. Hindi ko alam kung gaano ako katagal sa ganoong posisyon, ngunit mayamaya lamang ay nakita ko ang pagbukas ng malaking gate. Kasunod nito ay nakita ko ang pagpasok ng kotseng umalis kanina sakay ang mag-ama.

Nakaramdam ako ng kaba habang pumaparada ang kotseng iyon. Nagtatalo ang nararamdaman ko, nag-aalala at natatakot ako sa mga oras na ito. Gusto kong makibalita tungkol sa bata, pero natatakot ako sa sasabihin sa akin ng ama nito. Maaaring tulad ng anak niyang babae ay sisihin din ako nito.

Inihanda ko na ang aking sarili. Tumayo ako nang tuwid at huminga nang malalim habang nakatingin sa imahe ng taong lumabas mula sa kanyang kotse.

Nakita ko ang dahan-dahan nitong paghakbang papasok dito sa pinto ng kanilang bahay. Halata ang pagod sa kanya dahil sa bagsak na balikat niya.

“U-uhhmm… K-kamusta ang bata..?” nag-aalangan kong tanong sa kanya nang makarating siya sa aking pwesto.

Kinakabahan ako. Simula nang lumabas siya mula sa kanyang kotse ay hindi man lang ako sinalubong ng tingin nito kahit pa alam niyang naririto ako. Pakiramdam ko ay galit siya sa akin ngunit kinokontrol niya lamang ito.

Halos mapaatras ako nang dahan-dahan niyang salubungin ang mga mata ko. Seryoso ang kanyang ekspresyon at hindi ko mabasa ang nasa likod ng isip nito.

“Medyo bumuti na siya. Iniwan ko muna siya kay Ate Loca sa ospital. Babalik na lang ako bukas para maiuwi rito sa bahay. Hindi sapat ang equipments na mayroon dito sa bahay para magamot siya.” mahaba nitong pagbabalita.

Bahagya naman akong nakahinga nang maluwag dahil sa aking nalaman.

“Ano ba kasing nangyari?” tanong ko sa kanya.

Mukhang mali ang naging pagtatanong ko dahil mabilis na nagsalubong ang kilay nito.

“Sa kwarto natin pag-usapan. May mga kailangan din akong linawin sa ’yo.” seryoso nitong utos sa akin.

Matapos niyang sabihin ang bagay na iyon ay tinalikuran na rin niya ako at nagsimulang maglakad patungo sa ikalawang palapag kung nasaan ang mga kwarto.

“Sinabi kong mag-uusap tayong dalawa, ’di ba? Ano pang tinatayo-tayo mo diyan?” bigla niyang pagtatanong nang makarating siya sa gitna ng hagdan.

Doon lamang ako natauhan mula sa pagkakatulala. Mabilis akong kumilos para sundan ang kanyang mga hakbang.

Nang makarating kami sa parehong kwarto na bumungad sa akin nang magising ako ay napatigil din sa pagkilos ang lalaki. Nakatalikod ito sa aking pwesto habang ako ay nakatayo sa likod ng pinto. Naihilamos niya ang kanyang dalawa palad sa kanyang mukha at tila ba nagtitimpi pa rin ito.

Hindi ko magawang kumilos, kahit ang magsalita ay hindi ko magawa dahil kinakabahan pa rin ako. Pakiramdam ko ay sasaktan niya ako dahil sa ginawa ko sa anak nito.

Aaminin ko, kahit pa matapang ako ay hindi ko kakayanin ang lumaban sa lalaking ito. Higit na mas malaki ang kanyang katawan samantalang ako ay katamtaman lamang. Baka nga isang suntok pa lang niya sa aking mukha ay agad din akong bubulagta.

“Weldy,” pagtawag niya sa akin habang nakatalikod siya sa aking pwesto.

“H-hindi nga Weldy ang pangalan––”

“Tumigil ka na nga!!!” bigla nitong sigaw sa tangka kong pagtatama sa kanya. Humarap din siya sa akin habang nanlilisik ang kanyang mga mata.

Napaatras ako dahil sa lakas ng boses niya. Daig niya pa ang isang militar dahil sa laki ng boses niyang iyon.

“Pinipilit kong intindihin ang sitwasyon mo, Weldy!! Kaya kong intindihin na baka nakalimutan mo lang ang nakaraan mo!! Pero sa ginawa mo kanina, nakita mo ba ang resulta?!! Halos mamatay na ang anak nating dalawa!! Paano kung wala ako rito at hindi ko siya naisugod agad sa ospital?!! Sa tingin mo ba makakauwi pa akong kalmado rito?!” galit na galit niyang sumbat sa akin.

Naikagat kong muli ang aking ibabang labi dahil sa labis na pagsisisi. Malaki nga ang pananagutan ko sa bata at inaamin ko naman iyon.

“A-ano ba kasing nangyari sa kanya? Paano ko maiintindihan kung hindi n’yo sa akin ipapaliwanag?” lakas-loob kong pagtatanong bagama’t nauutal ako.

Huminga siya nang malalim at inilagay ang kanyang mga kamay sa kanyang bewang.

“Weldy, may malalang asthma ang bata. Bawal siyang umiyak nang tuloy-tuloy dahil nahihirapan siyang huminga. Kaya nga kahit minsan, hindi natin siya nagawang pagalitan, ’di ba? Ikaw pa mismo ang nagsabi sa akin na ’wag kong pagalitan o sigawan siya kahit gaano siya kakulit! Sinabi mong ikaw na lang ang bahalang mangaral at makipag-usap sa kanya dahil sa ’yo lang naman siya nakikinig!” mahaba bitong sagot sa akin.

Naiiyak na ako sa sama ng loob. Wala naman akong natatandaan na ganoong usapan naming dalawa dahil hindi ko nga sila kilala. Bakit ba sa akin niya isinisisi ang bagay na iyon?

“Kuya naman… Hindi naman ako––”

“Oliver Santillan! Tawagin mo akong Oliver at ’wag mo akong tawaging ‘Kuya’ dahil hindi tayo magkapatid o basta lang magkakilala! Asawa mo ako, Weldy! Ako ang asawa mo kaya tawagin mo ako sa pangalan ko!” mahaba nitong pagputol sa tangka kong pagkumbinsi sa kanya.

Dito na naubos ang pasensiya ko. Bahagya na ring nabawasan ang aking takot dahil mas nangingibabaw na ang inis ko.

“Sige, Oliver! Kung ’yan ang gusto mo! Wala akong pakialam kung sino ka o kung anong pangalan mo! Pero gusto kong sabihin sa ’yo na isang malaking pagkakamali lang ’to! Hindi ako ang asawa mo, okay?! Hindi rin Weldy ang pangalan ko kundi Fr––”

“Sinabi kong tumigil ka na!!!” pagputol na naman nito sa akin at mas naging mas malakas na ang kanyang sigaw.

Dahil sa tindi ng boses niya ay natigilan na naman ako.

“Ano bang gusto mong patunayan, Weldy?!! Halos dalawang buwan kang nakaratay sa kama!! Tapos ngayong nagising ka, dine-deny mo naman kami ng pamilya mo!! Okay lang sana kung ako lang ang kalimutan mo!! Kakayanin kong tiisin ’yon!! Pero ang mga bata?!! Paano mo natitiis na gano’n ang sitwasyon nila lalong-lalo na si Marl na may sakit?!! Nasaan na ba ang puso mo?!! Nasaan na ang konsensiya mo?!! Ganyan ka na ba kasama?!! Wala ka nang malasakit kahit man lang sa mga bata?!!” mas malakas nitong sumbat.

Natahimik ako sa mga naging paratang niya. Iwasan ko man ay hindi ko na rin nakontrol ang aking mga luha na lumabas mula sa aking mga mata.

Bakit ba ako pinaparusahan ng ganito? Bakit ako ang sumasalo sa mga paninising ito? Naging mabuti naman akong tao. Hindi totoo na wala akong malasakit sa kapwa ko.

“H-hindi naman kasi ako ang tinutukoy n’yo, eh… Hindi ko kayo kilala… Bakit ba pinipilit n’yo sa akin na ako si Weldy..?” tanong kong umiiyak sa kanya.

Mukhang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko kaya mas lalong gumuhit ang galit sa kanyang mukha.

“Umupo ka. Patutunayan ko sa ’yo na ikaw ang hindi nakakaintindi sa ating dalawa.” madiin nitong utos sa akin habang tinuturo ang kama na hinihigaan ko kanina.

Kahit pa nanginginig ang buo kong katawan dahil sa labis na takot sa kanya ay sinunod ko siya. Dahan-dahan akong humakbang patungo sa kama at umupo roon.

Hindi na siya nagsalita pa, nang makita niya akong nakaupo na ay kumilos siya patungo sa isang maliit na drawer na nasa tabi ng kama.

“Tingnan mo ’yang sarili mo!” utos nito sa akin habang iniaabot ang isang salamin.

Natigilan ako.

Bakit nga ba hindi ko naisip ang bagay na iyon? Bakit nga ba hindi ko tiningnan ang aking sarili kanina sa salamin para kumpirmahin?

Nanginginig ang aking kamay na kinuha iyon mula sa kanya. Natatakot ako sa maaari kong madiskubre sa oras na makita ko ang aking repleksyon sa salamin na ibinibigay niya.

Marami nang naglalaro sa isip ko. Nabanggit niya kanina sa akin na nakaratay ako nang halos dalawang buwan kaya marami ang pwedeng mangyari sa panahon na iyon.

Hindi kaya nag-iba na ang mukha ko tulad ng mga napapanood ko sa telebisyon? Napalitan? May nagretoke at kinopya ang mukha ng asawa niya kaya napagkamalan niyang iisa kaming dalawa?

O kaya naman, posible kayang dahil sa naging trahedya sa barko ay naglakbay ang kaluluwa ko sa katawan ng asawa niya? Maaari kayang namamahay ang kaluluwa ko sa ibang katawan na walang iba kundi ang Weldy na tinutukoy niya? Pero nasaan ang kaluluwa ng Weldy na iyon? Hindi kaya nagkapalit kami ng katawan na dalawa?

Nalilito na ako. Hindi ko alam kung posible ba ang mga tumatakbo sa isip ko. Pero para masagot ang mga katanungang ito, kailangan kong tingnan ang sarili ko.

Nang tuluyan kong mahawakan ang salamin na ibinibigay niya sa akin ay naging mabilis ang mga paghinga ko. Bagama’t natatakot ako sa aking malalaman ay inihanda ko na rin ang sarili ko.

Dahan-dahan kong iniharap ang salamin sa aking mukha. Kitang-kita ko pa ang panginginig ng aking kamay dahil sa labis na kaba.

Nang tuluyan kong makita ang aking repleksyon sa salamin ay hindi ko na naman naiwasan ang mapapikit habang umiiyak. Mas lalo lang din akong naguluhan at mas lalo lang din dumami ang aking mga katanungan.

Hinawakan ko ang aking mukha gamit ang isa kong kamay kasabay ng muli kong pagmulat.

Walang nagbago, ganito pa rin ang mukha ko. Kung ano ang mukha ko simula noon ay ganoon pa rin ito.

Ibig ba nitong sabihin, ako at ang Weldy na tinutukoy niya ay may iisang mukha? Pero paano nangyari iyon? Isa pa, nasaan na ang Weldy na iyon? Bakit wala siya rito para mabigyang linaw ang malaking pagkakamaling ito?

Nasa ganoon akong panunuri sa aking mukha nang muling magsalita si Oliver na nakatayo sa aking tapat.

“Hindi ka pa rin kumbinsido? Gusto mo pa rin ng katibayan? Ha, Weldy?” tanong nito sa akin.

Hindi na niya ako hinayaan pang makasagot sa kanya, dahil matapos niya akong tanungin ay nagbalik na naman siya sa drawer na nasa tabi ng kama. Nakita kong may kinuha siyang dalawang photo album mula roon at dala niya ito nang bumalik siya sa tapat ko.

“Tingnan mo ’yan. Isa-isahin mo ang mga pictures na nandiyan. At pagkatapos mong tingnan ’yan, sabihin mo sa akin na ako rito ang hindi nakakaintindi sa ating dalawa!” utos nito sa akin.

Ganoon pa rin ako, nanginginig pa rin ang mga kamay kong binuksan ang photo album na iniabot niya sa mga kamay ko.

Nang buklatin ko ang unang photo album na ibinigay niya sa akin ay mas lalo na akong naguluhan. Sa unang pahina pa lamang ay ang malaking larawan na naming dalawa nang magkasama. Magkayakap kami habang may parehong suot na puting amerikana.

“’Yan ang picture natin noong ikinasal tayong dalawa maraming taon na rin ang nakakalipas.” pagtukoy nito sa larawan naming dalawa.

Hindi ako nakapagsalita dahil pa rin sa pagkagulat. Nagpatuloy ako sa pagbubuklat ng photo album na ang tanging laman ay mga larawan ng kasal daw naming dalawa. Siya naman ay patuloy rin na nagpapaliwanag sa mga kaganapan na nasa larawang aking nakikita. Ngunit sa pagkakataong ito habang siya ay nagsasalita ay narinig ko na rin ang mga paghikbi niya.

“Weldy… Minahal natin ang isa’t isa kahit pa hindi tama sa paningin ng iba… Pinaglaban mo ako at pinaglaban kita… Pareho tayong sumumpa na magsasama kahit na anong pagsubok pa ang dumating sa ating dalawa… Nangako tayong patutunayan sa lahat na mali ang panghuhusga nila…” umiiyak nitong pagpapaalala kahit pa hindi naman ako ang taong tinutukoy niya.

Habang patuloy ako sa pagtingin sa mga larawan ay patuloy pa rin siyang nagsasalita sa pagitan ng pag-iyak niya.

“Hindi mo ba matandaan..?” tanong niya sa akin ngunit hindi ko siya masagot o kahit man lang siya ay tingnan.

“After a year simula nang ikasal tayo, nagdesisyon tayong bumalik ng America para tuparin ang pangarap nating dalawa… Kumuha tayo ng surrogate mother at sa akin nanggaling ang pagpupunla… Siya na si Kryz Mir na panganay nating dalawa… Dahil sa gusto nating maging isang malaking pamilya, isinunod din natin agad ang bunso nating si Marl Krist na sa ’yo naman nanggaling ang pagpupunla…. Iisang surrogate mother ang kinuha natin kaya iisa rin ang dugong dumadaloy sa kanila…” paliwanag pa nito sa aking mahaba.

Hindi ko na inintindi pa ang ilan niyang paliwanag dahil bago iyon sa aking pandinig. Ang malinaw lang sa akin ay magkadugo ang dalawang bata. Surrogate mother? Ano ’yon? Wala akong ideya sa bagay na iyon.

“Halos dalawang buwan, Weldy, na wala kang malay dahil sa isang trahedya…” muli niyang pagkekwento.

Nang sabihin niya ang detalyeng iyon ay doon ko lamang siya nilingon.

“A-anong trahedya ’yon…?” nauutal kong tanong dahil sa pagkasorpresa. Iniisip kung may makukuha ba akong tamang sagot sa kanyang ibinalita.

“Lumubog ang barko na sinasakyan mo… Nagkaroon ng mechanical error ang barkong iyon kaya nagkaroon ng malaking pagsabog… Iyon din ang dahilan kung bakit marami ang nasawi… Pero sa kabutihang palad, sa ilang mga taong nakaligtas, isa ka sa mga nabigyan ng pagkakataong mabuhay…” sagot nitong mahaba.

Napalunok ako habang nanlalaki ang mga mata ko. Tama ang detalyeng kanyang sinabi na sakay nga ako ng sumabog at lumubog na barko. Pero ang hindi ko pa rin maintindihan ay kung bakit kilala nila ako samantalang hindi ko naman sila kilala?

Naguguluhan na ako, gulong-gulo na ang isip ko.

Umiling ako nang maraming beses habang nakatingin lang sa kanya. Ipinararating ko sa pag-iling kong iyon na may isang pagkakamali sa nangyari kung bakit naririto ako sa bahay nila.

“Hindi ka pa rin ba kumbinsido kahit na ipinakita ko sa ’yo ang mga katibayan na asawa mo ako…?” tanong niya sa akin sa pagitan pa rin ng pag-iyak niya.

Naaawa ako sa kanya. Damang-dama ko ang lungkot na namamayani sa kanya. Nangungulila siya sa kanyang asawa na wala naman ngayon sa tabi niya.

“P-pero, Oliver, hindi talaga kita kilala. Sana, maintindihan mo ’yon… Hindi ako si Weldy na asawa mo… Wala akong maalala na ikinasal tayo… Lalong-lalo nang wala akong maalala na may mga anak ako… Kaya kong patunayan ’yon sa ’yo… Kung gusto mo, tutulungan na lang kitang hanapin ang nawawalang asawa mo… Pero aalis na lang ako rito dahil wala akong papel sa inyo…” mahaba kong pagkumbinsi sa kanya.

Sinusubukan kong kumbinsihin siya, baka sakaling pakinggan niya ang paliwanag ko sa kanya.

Napangisi siya at muling naihilamos ang isa niyang palad sa kanyang mukha para punasan ang kanyang mga luha.

“Talaga..? Sige, bigyan mo ako ng katibayan na hindi nga ikaw si Weldy kagaya ng sinasabi mo…” paghamon niya sa akin matapos ang paghinga niya nang malalim.

Muling nanlaki ang mga mata ko. Tama, kailangan ko ng katibayan para mapatunayang hindi ako si Weldy. Kaya ko iyon gawin at alam kong sa pagkakataong ito ay magagawa ko nang kumbinsihin ito.

“M-may mga gamit ako… Nasaan ang mga gamit na dala ko..? N-naitabi mo ba..?” paghahanap ko sa nag-iisang bag na dala-dala ko noong sumakay ako ng barko.

Iyon ang magiging katibayan ko para makumbinsi siya. Bukod sa ilan kong mga damit na nasa bag na iyon, naroon din ang aking birth certificate na nagpapatunay na Francisco Castillo ang pangalan ko. Maging ang address ng taong hahanapin ko sa Maynila ay naroroon din pati na rin ang lumang cellphone na nabili ko mula sa aking pagtatrabaho bilang isang tindero sa palengke doon sa aming probinsiya.

“Hindi ko alam,” sagot niyang mahina. “Noong nakaligtas ka, hindi mo na hawak ang mga gamit mo. Wala kang nailigtas na gamit bukod sa damit na suot mo noong sumakay ka ng barko.” dugtong pa nitong sagot.

Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa nang marinig ko ang sagot niya. Wala na pala sa aking natitira. Bukod sa wala na ang kaisa-isang katibayan na maipapakita ko sa kanya, maging ang dahilan kung bakit ako naglakbay sa malayong lugar ay naglaho na, wala na ang maliit na notebook kung saan nakasulat ang address ng taong hahanapin ko sa Maynila.

Paano na ako nito? Paano pa ako babalik sa bahay-ampunan kung pati ang natitirang pera ko ay wala na rin?

“Weldy, naman… Ang tagal kong hinintay na magising ka… Sa halos araw-araw kang nakahiga sa kama, araw-araw rin kaming humihiling na sana magising ka na… Araw-araw, walang ginawa ang mga bata kundi ang umiyak dahil gustong-gusto ka na nilang makasama… Kung aalis ka rito, ano na lang sa tingin mo ang mangyayari sa mga bata lalo na kay Marl..? Gusto mo bang lumala ang kondisyon niya..? Ikaw ang kinukuhanan niya ng lakas, tapos iiwan mo siya..?” sagot din nito at pagkontra.

“Pero hindi ito tama… Paano kung bumalik ang totoong Weldy..?” tanong ko sa kanya.

Nasabunutan niya ang kanyang sarili. Ramdam kong naiinis na rin siya dahil hindi niya pa rin ako makumbinsi.

“Hindi ka pa rin ba kumbinsido?! Ikaw si Weldy! Bakit ba nahihirapan kang tanggapin ’yon?! Ewan ko kung anong kondisyon ang meron ka ngayon! Pero ’wag mo naman kaming pahirapan nang ganito!” tila nagtitimpi niya pa ring pagkontra. “Isa pa, anong sinasabi mong babalik ang totoong Weldy?! Walang babalik na totoong Weldy dahil ikaw nga ’yon! Kung talagang may isa pang Weldy tulad ng sinasabi mo, nasaan siya?! Bakit hindi pa rin siya bumabalik kahit halos dalawang buwan na ang lumipas?! Pamilya niya kami at wala siyang babalikan kundi kami! Kaya sige nga! Sagutin mo ang tanong ko?! Nasaan siya?!” dugtong niya pang pagbusisi sa nangyari.

Natahimik na naman ako sa pagkakataong ito. Tama naman siya, nasaan na nga ba si Weldy? Nasaan na ang totoo niyang asawa? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito bumabalik?

Marami nang katanungan sa aking isip, ngunit nadagdagan pa ito ng pagdududa sa aking sarili nang muli kong tingnan ang mga larawan na nasa aking mga kamay.

Hindi kaya ako nga talaga si Weldy? Hindi kaya nakalimutan ko lang sila talaga? Hindi kaya ang mga naging kaganapan sa buhay ko simula pa pagkabata ay isa lang malaking akala? Hindi kaya isang mahabang panaginip lang iyon? Na lumaki ako sa bahay-ampunan? Na hindi totoong pinalaki ako nina Sister Martina? Na isang panaginip lang din ang pagpapalaki at pag-aalaga ko sa mga batang naroroon na hindi pa naaampon?

Napailing ako dahil nagsisimula nang sumakit ang ulo ko.

“Imposible… Naguguluhan na ako…” bulong ko sa aking sarili habang sapo ko ang aking ulo.

Nasa ganoon akong tagpo nang muling magsalita si Oliver sa aking tabi.

“Gusto mo ba talaga kaming iwan ng mga bata, Weldy..?” tanong nito sa malungkot niyang tono.

Hindi ako nakatugon. Dama ko ang bigat ng kanyang pakiramdam habang tinatanong ang bagay na iyon.

“Pero saan ka pupunta..? May mapupuntahan ka pa bang iba..? Kanino ka tutuloy..? Sa Kuya mo..? Weldy, kung hindi mo kami maalala, paano pa kaya ang Kuya mo..?” tanong nito sa akin.

Nangungunot naman ang noo kong nilingon siya.

“K-kuya? M-may kapatid ako?” tanong kong naguguluhan sa kanya.

Napapikit na siya tanda ng pagtitimpi niya.

“See? Hindi mo rin siya nakikilala, ’di ba?” may sarkastiko niyang pagtatanong pabalik. “Oo, may kapatid ka. Kayo na lang ang natitirang dalawa dahil sabay na nasawi ang magulang ninyo dahil din sa isang trahedya.” pagsagot na niya sa aking katanungan.

Hindi ko na alam ang mga dapat kong itanong. Masyado nang maraming naglalaro sa isip ko ngayon. Sinusubukan kong kumbinsihin ang aking sarili na panaginip lang ang mga bagay na ito. Pero simula pa kanina noong magising ako, wala naman nagbago, mas lalo ko lang napapatunayan na katotohanan na itong nasa harap ko.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko, Weldy… Gusto kong maniwala na nagkaroon ka lang ng trauma o amnesia dahil sa trahedyang pinagdaanan mo… Kaya ko pang tanggapin na nawalan ka lang ng memorya… Pero sa ginagawa mong pagpupumilit na hindi ikaw si Weldy, nasasaktan na ako… Pakiramdam ko… pakiramdam ko, itinatakwil mo na kami ng pamilya mo…” sumbat niya sa pagitan ng kanyang pag-iyak.

Hindi na naman ako nakapagsalita dahil kahit ang tingnan siya ay hindi ko na magawa. Nakakaawa siya, ramdam ko ang labis na lungkot niya.

“Okay lang sa akin na itakwil mo ako, Weldy… Okay lang kahit kalimutan mo na ang nakaraan nating dalawa…Titiisin ko ’yon… Kaya kong tiisin kahit hindi mo na ako pansinin… Kahit na daan-daanan mo na lang ako at magkunwari kang hindi mo ako nakikita…” bigla niyang pakiusap. “Pero nagmamakaawa naman ako, ’wag mo naman ignorahin ang mga bata…” sunod niya pang pakiusap.

Naninikip ang dibdib ko nang mabanggit niyang muli ang mga bata. Muling nagbalik sa aking isipan ang kanilang imahe. Kung paano sila naging masaya noong makita nila akong nagising kanina, at kung paano rin sila lumuha dahil itinaboy ko sila. Mas lalo lang din akong nanghihina noong makita ko ang paghihirap ng isa sa kanila.

Ako, ako ang may kasalanan kung bakit nagdurusa ang isang bata sa ospital. Sa dami ng batang inalagaan ko sa bahay-ampunan, siniguro kong wala sa kanilang masasaktan. Pero ano itong ginawa ko? Ako mismo ang nanakit sa batang walang kalaban-laban.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Oliver, nagpatuloy siya sa pagdedetalye sa mga nangyari noong wala pa akong malay.

“Hindi mo lang alam kung anong hirap ang pinagdaanan nila para makasama ka lang ulit… Halos ayaw na nilang pumasok sa eskwela at halos ayaw na nilang kumain… Lagi ka lang nilang binabantayan dahil gusto nilang nandoon sila sa oras na magising ka… Tapos ngayong nagising ka naman, pinagtutulakan mo naman sila…”

“Hindi mo man lang ba inisip ang mararamdaman nilang dalawa lalo na ni Marl..? Halos mamatay sa sama ng loob ang bata… Napakamura pa ng edad niya pero dumanas na siya ng napakatinding emosyon… Okay lang sana kung sa ibang tao niya naranasan ’yon… Pero ikaw.. Ikaw na sarili niya ring ama ang nagparanas no’n sa kanya… Hindi ka man lang ba nakaramdam ng awa o konsensiya..?”

Napakahaba ng kanyang mga panunumbat at damang-dama ko ang kanyang sama ng loob. At dahil sa dami ng sinabi niyang iyon ay natagpuan ko na lamang din ang aking sarili na lumuluha na naman ngayon.

“S-sorry… Sorry…” sambit ko na lamang habang umiiyak.

Dapat ay hindi ako ngayon humihingi ng tawad sa kanila dahil isa rin akong biktima, pero dahil sa nangyari sa dalawang bata lalo na sa isa, kailangan kong gawin iyon. Ako ang may kasalanan kung bakit muntik nang mawalan ng buhay ang isang bata kanina.

Katahimikan na ang namayani matapos kong humingi ng tawad kay Oliver. Wala na sa amin ang nagsalita pa dahil sa sabay na pag-iyak naming dalawa.

May ilang minuto rin ang nakalipas hanggang sa unti-unti siyang kumilos para lumuhod sa aking tapat.

Nasorpresa ako sa kanyang ginawa. Hindi ako isang Diyos para luhuran ng isang tao, pero kahit gusto ko siyang pigilan ay hindi ko magawa dahil sa mga pag-iyak ko.

Nagsimula siyang nagsalita, ngunit sa bawat salitang kanyang binibigkas ay ang mas malakas niyang pag-iyak.

“N-nakikiusap ako sa ’yo, Weldy… ’Wag mo kaming iwan… Kakayanin ko ang katotohanang kinalimutan mo na ako… Pero sana naman… sana naman, ’wag mong pahirapan ang mga anak natin… Nagmamakaawa ako sa ’yo… ’Wag mong iparamdam sa kanila na nawalan sila ng isang magulang… Nakikiusap ako sa ’yo… ’Wag mong hayaang patuloy silang mangulila dahil sa pagkawala mo…” mahaba nitong pagmamakaawa.

Hindi ako makapagsalita. Habang pinapakinggan ko ang kanyang pakiusap ay mas lalo lang bumuhos ang aking mga luha.

Hindi ko alam kung kanino pa ako hihingi ng saklolo. Bakit kailangan kong danasin ang bagay na ito? Bakit nagkaroon ako ng isang pananagutan kahit wala naman akong kasalanan?

Kung pagbibigyan ko siya, kakayanin ko ba? Kakayanin ko bang punan ang pagkukulang ng Weldy na hinahanap nila? At kung gagawin ko iyon, hanggang kailan?

Nanghihina ako habang pinagmamasdan si Oliver na hanggang ngayon ay nakalubod sa harap ko. Hindi ko maiwasang humanga sa kanya dahil sa ipinapakita niya. Kayang niyang gawin ang lahat para sa mga anak niya, kaya niyang isakripisyo ang kanyang pangungulila alang-alang sa kasiyahan ng mga bata.

Si Oliver ang isa sa mga huwarang ama na pinagkaitang magkaroon ang mga batang nasa bahay-ampunan na aking pinagmulan. Isa siyang napakabuting halimbawa ng isang ulirang ama na kahit minsan ay hindi ako nagkaroon at hindi ko naranasan.

Nagpatuloy ako sa pagtitig sa kanya habang patuloy pa rin na nag-uunahan ang aking mga luha. At habang nakatuon sa kanya ang aking mga mata ay isang desisyon ang unti-unti sa aking nabubuo.

Hindi ko alam kung tama ba itong gagawin ko. Sumasagi sa isip kong masama ang bagay na naiisip ko. Pero ngayong naririto na ito at alam kong may pananagutan ako, gagawin ko ang aking makakaya para tulungan ang pamilyang ito.

Hindi kaya ng konsensiya kong makita ang mga batang naghihirap dahil mahalaga sa akin ang tulad nila. Alam ko ang pakiramdam na mawalan ng isang magulang dahil nabuhay akong nag-iisa.

Ang isa pang bagay na naglalaro sa aking isip ay wala akong malalapitan sa mga oras na ito. Nawala na ang lahat ng importanteng bagay sa akin at hindi ko alam kung paano sisimulan ang pamumuhay ko. Pero ngayong nabigyan ako ng pagkakataong may matutuluyan at makakapitan, maaaring ito rin ang magbigay sa akin ng daan para makita ang hinahanap ko. Maaaring ito rin ang makasagot sa mga katanungan ko.

Malaki ang aking magiging kasalanan dahil sa isang kasinungalingan, pero kailangan kong gamitin ang aking kaisipan.

Kailangan ng pamilyang ito ang tulad ko, at kailangan ko rin sila bilang panimula sa pagdiskubre ng pinagmulan ko.

May ilang minuto pa kami sa ganoong posisyon ni Oliver hanggang sa tuluyang mabuo ang desisyon ko.

“O-oliver…” pagtawag kong nauutal sa kanyang pangalan.

Natigilan siya sa kanyang pag-iyak. Kasunod nito ay dahan-dahan niyang inangat ang kanyang mukha. Nang magtagpo ang aming mga mata ay hindi agad ako nakapagsalita. Huminga muna ako nang malalim para humugot ng lakas.

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan, pero unti-unti kong itinuloy ang aking mga sasabihin sa paraang kinakabahan.

“Patawarin mo ako. Pero sa tingin ko, nabura lang ang mga ala-ala ko…

Kaya nakikiusap ako, tulungan mo akong magsimulang muli…

Kasama ka bilang aking asawa, at kasama ang mga bata bilang anak nating dalawa.“

Nang sabihin ko ang mga katagang iyon ay gumuhit ang malapad niyang ngiti. Nasaksihan ko ang panibago niyang mga luha tanda ng kanyang kasiyahan.

“S-salamat… Salamat, Weldy… Maraming salamat…” wika niyang nakangiti.

Kasunod ng sinabi niyang iyon ay mabilis siyang kumilos para yakapin ako nang mahigpit. Kahit pa nakaramdam ako ng pag-aalangan ay nagawa ko naman iyon suklian.

“Makakaasa ka, babalik din tayo sa dati, Weldy… Tutulungan kita… Tutulungan ka namin ng mga bata…” wika niya pa sa masayang tono habang nasa bisig namin ang isa’t isa.

Tinugon ko siya ng marahang pagtango, ngunit kasabay ng pagtango kong iyon ay ang taimtim na dasal ko.

Diyos ko, patawarin N’yo po ako sa kasalanan kong ito. Alam kong malaki ang magiging kabayaran nito, pero handa po akong harapin ang bagay na iyon. Gusto ko lang pong mabigyan ng pag-asa ang pamilyang ito. Ito lang din po ang nakikita kong daan para matagpuan ang hinahanap ko.

Magpapanggap ako.

Ako si France na lumaki sa bahay-ampunan ay magbabago na ang pagkakakilanlan magmula sa oras na ito.

Kailangan ko nang paghandaan ang aking papel bilang isa sa mga magulang ng dalawang bata na aking nabungaran.

Dapat na rin akong masanay na hindi France ang pangalan ko.

Dahil simula ngayon, ako na si Weldy.

Ako na si Weldy na asawa ng lalaking nagngangalang Oliver Santillan.


A/N

Alam kong may mga katanungan pa kayo, ’no? Pero masasagot po iyan sa mga susunod pang tagpo.

Para kay

KikoMercado

ang chapter na ito. Siya ang unang taong hiniraman ko ng pangalan ng karakter dito. Salamat, idol! 😊

Salamat sa mga nakapagbasa na sa kwentong ito! Sana ay nag-e-enjoy po kayo!

Hanggang sa susunod po! Mahal ko kayo!

–– cold_deee ❤

01.23.2017

Chapter 2


FRANCE POV

Lumipas ang isang araw simula nang magising ako mula sa mahabang pagkakatulog ko. Sa dami ng nangyari sa loob ng isang araw ay hindi ko maiwasang kabahan.

Ito na ang umpisa ng pagpapanggap ko. Aaminin ko, magmula nang magkausap kami kagabi ni Oliver ay hindi rin ako nakatulog nang maayos. Labis akong nag-isip sa mga magiging kaganapan.

Sa buong magdamag ay walang tigil akong humingi sa Diyos ng kapatawaran. Nahihiya man ako dahil sa aking kasalanan ay humiling pa rin ako sa Kanya ng gabay na sana ay makayanan ko ito. Sana ay bigyan Niya ako ng lakas para maipagpatuloy ito.

Ito na lang ang nakikita kong paraan para makapagsimula ako. Wala na akong mapagpipilian dahil dito rin nakasalalay ang aking paghahanap sa natitirang kamag-anak ko.

Nang sumagi sa aking isip ang salitang kamag-anak ay naalala ko ang mga naging pag-uusap namin ni Sister Martina bago ako umalis ng probinsiya. Kung paano niya idinetalye ang taong hahanapin ko sa Maynila, at kung paano ko matatagpuan ang aking nag-iisang kamag-anak na natitira.

“France, ingatan mong mabuti ang address na nariyan. Hindi man tayo sigurado kung nariyan pa ang taong makakasagot sa iyong katanungan, maaari namang makapagbigay sa ’yo ng impormasyon ang maaabutan mo riyan.” bilin nito habang iniaabot sa akin ang maliit na notebook kung saan nakasulat ang address ng taong hahanapin ko.

Binuklat ko iyon para tingnan ang nilalaman nito.

“Ms. Louisa Quirino..?” pagbasa ko sa nakasulat sa papel habang nangungunot ang aking noo. “Ito lang po ba ang naibigay na impormasyon ni Sister Teresita?” sunod kong tanong sa kanya.

Huminga nang malalim si Sister Martina, bakas sa kanya ang pagkadismaya.

“Sa kasamaang palad, ’yan lang ang nakuha kong impormasyon sa kanya, France. Matanda na si Sister Teresita kaya hindi na rin siya makausap nang maayos dahil nag-uulyanin na. Mabuti na lang din at may natira pang record ang dating bahay-ampunan bago iyon nasunog. Iyon din ang naging basehan ko para malaman kung sino ang nakaampon sa kamag-anak mo. At ’yan na nga si Ms. Quirino.” sagot nito sa malungkot niyang tono. Tinutukoy niya si Sister Teresita na dating namamahala rito sa bahay-ampunan.

Ayon kasi sa kuwento rito sa bahay-ampunan, nasunog ang dati nitong gusali. Iilan lang daw ang mga kagamitang nakuha dahil mas inunang iligtas ang mga bata. Ilang araw pa lang din daw ang nakakalipas noon simula nang madala ako sa bahay-ampunang iyon kasabay ang isa pang bata na kamag-anak ko rin daw. Sanggol pa lamang daw ako nang madala ako rito. Ang hindi lang kami sigurado ay kung ano ang eksaktong relasyon ko sa batang nakasabay ko. Basta ang malinaw sa amin, kamag-anak ko raw ito.

Sinubukan pang makakuha ni Sister Martina ng ilan pang impormasyon ngunit nabigo na ito. Ilang taon na rin kasi niyang hinahanap si Sister Teresita dahil matagal na itong nagretiro. Wala rin siyang maisagot sa akin noong panahon na nagtatanong na ako tungkol sa aking pinagmulan dahil anim taong gulang pa lamang ako noong bagong pasok naman siya sa bagong bahay-ampunan. Kaya naman wala talaga siyang ideya sa kung paano ako nakarating dito.

“Sister, dalaga po ba ang nakaampon sa kamag-anak ko? Hindi po mag-asawa?” nagtataka kong tanong sa kanya. Napansin ko kasing iisang tao lang ang nakasulat dito sa notebook. Hindi ito tulad ng mga nagpupunta rito para mag-ampon ng bata na ‘Mister’ at ‘Misis’ ang gamit.

Ngumiti nang tipid si Sister Martina at bakas pa rin sa kanya ang pagkadismaya.

“Pasensiya ka na, France. Hindi ko rin masagot ang bagay na ’yan. Basta ang nakita ko sa record, siya ang nakaampon sa kamag-anak mong iyon. Noong tinanong ko si Sister Teresita, ikaw nga lang ang nababanggit niya.

‘Francisco’

ang paulit-ulit niyang binabanggit, tapos susundan niya ng,

‘may kasamang bata si Francisco na dinala roon. Iyong batang iyakin. Inampon ang bata ni Louisa Quirino. Inampon ang batang iyakin’

. ’Yan lang ang paulit-ulit niyang sinasabi.“ pagdedetalye nito sa naging usapan nila ng dating madre.

“Wala po bang pangalan ang bata?” tanong kong muli sa kanya.

“Iyon sana ang gusto kong makita sa record. Pero noong makita ko ang record ng lumang bahay-ampunan, sunog na rin ang bahagi ng papel kung saan nakasulat ang pangalan ng batang inampon. Ang malinaw lang doon ay ang pangalan ni Ms. Quirino.” malungkot nitong sagot. “Isa pa, mukhang hindi na rin mahalaga iyon, France. Maaari rin kasing noong inampon ang kamag-anak mong iyon, pinapalitan na rin siya ng pangalan ngayon. Kaya kahit malaman natin ang pangalan ng kamag-anak mong ’yon, hindi mo na rin siya makikita. Ipagpasalamat na lang natin na nakita pa natin ang apelyido ni Ms. Louisa Quirino.” mahaba nitong sagot at pagpapaintindi.

Hindi na ako muli pang nakasagot sa kanya. Tama naman si Sister Martina, dapat ay magpasalamat pa rin ako dahil kahit kaunti ay may nakuha kaming impormasyon. Malaking bahagi na rin iyon sa paghahanap ko.

Kahit nakaramdam ako ng kakulangan sa aking hinihingi ay ngumiti pa rin ako kay Sister Martina.

“Marami pong salamat, Sister Martina. Salamat po sa lahat ng nagawa ninyo para sa akin. Magmula pa noon hanggang sa umabot ako sa edad kong ito, hindi n’yo po ako pinabayaan kahit minsan.” sinsero kong pagpapasalamat sa kanya.

Sa wakas ay nagawa na niyang ngumiti nang malawak. Kasunod nito ay niyakap niya ako.

“Napakabait mong bata, France. Kami ang higit na nagpapasalamat dahil kasama ka namin dito. Isa ka sa mga naging pundasyon ng bahay-ampunang ito. Salamat sa pag-aaruga at pagmamahal mo sa mga bata. Ikaw na ang tumayong magulang nilang lahat. Maraming salamat, France. Mag-iingat ka sa pag-alis mo. Ipagdarasal kong sana ay matagpuan mo na ang hinahanap mo.” mahaba niyang pasasalamat at habilin habang yakap ako.

Matapos alalahanin ang kaganapang iyon ay hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot. Habang nakaupo ako rito sa kama ay nakatulala lamang din ako.

“Kamusta na kaya sina Sister Martina? Kamusta na kaya ang mga bata? Nami-miss ko na sila.” mahina kong pakikipag-usap sa aking sarili.

Gusto ko mang makibalita sa kanila ay hindi ko alam kung paano. Nawala na ang cellphone ko kaya nawala na rin ang contacts ko. Sigurado rin akong nag-aalala na ngayon sa akin sina Sister Martina. Sigurado rin ako na hinahanap na rin ako ng mga bata. Marahil ay nabalitaan na rin nila ang nangyaring pagsabog at paglubog ng barko. Malamang din ay iniisip na nilang patay na ako lalo na at hindi na ako nakabalik doon.

Nasa ganoon akong pagkakatulala nang biglas bumukas ang pinto ng kwarto kung nasaan ako. Bahagya pa akong nagulat nang makita ko ang taong bagong pasom dito. Nakabalik na pala ito mula sa pagsundo sa kanyang bunso.

“O-oliver…” nauutal kong pagtawag sa kanya.

Ngumiti naman siya ngunit hindi iyon umabot sa kanyang mga mata. Hindi ito gaya ng ipinamalas niyang ngiti kagabi noong sinabi kong hindi na ako aalis. Hindi ako sigurado, pero pakiramdam ko ay malungkot pa rin siya sa mga oras na ito.

“We’re here. Nasa kwarto na ang mga bata. Gusto mo na ba silang makausap?” tanong nito habang naglalakad patungo sa aking pwesto.

Mabuti naman at naiuwi na niya si Marl, ang bunso niyang anak. Kahit paano ay nakahinga na ako nang maluwag dahil alam kong ayos na ang bata.

Huminga ako nang malalim bago ko siya sinagot.

“Kinakabahan ako. Galit pa rin kaya sila sa akin?” tanong kong nag-aalala sa kanya.

Dahan-dahan siyang kumilos patungo sa aking tabi at umupo rin sa kama. Mabuti na lang din at nakaligo na ako kaya hindi nakakahiyang tumabi sa kanya.

Si Ate Aning ang umalalay sa akin kaninang umaga para makapaglinis ng sarili ko. Binigyan niya ako ng toothbrush at mga personal na gamit kabilang na ang mga damit na ang tunay na Weldy ang nagmamay-ari. Medyo natagalan lang ako sa banyo dahil kinapa ko pa ang paggamit ng shower. Kakaiba kasi iyon dahil wala ritong pinipihit para lumabas ang tubig. May pinipindot lang pala na buton doon. Mabuti na lang at may picture ang bawat buton kaya madali kong nahanap iyon.

“Weldy, you don’t have to worry, okay? Mababait ang mga anak natin. I’m sure maiintindihan ka nila dahil matatalino sila. And besides, I’ll help you naman to explain your condition.” pagkumbinsi nito sa akin.

Nang sabihin niya iyon ay para bang gusto ko nang umatras sa pagpapanggap ko ngayon. Kinakabahan ako dahil parang ang husay niyang mag-ingles.

Hindi ako magaling sa pagsasalita ng Ingles dahil kahit high school ay hindi ko na nagawa pang tapusin. Mas naging prayoridad ko kasi ang pag-aalaga sa mga bata noon sa bahay-ampunan. Kahit pa pinipilit ako nina Sister Martina na magpatuloy sa pag-aaral noon ay tinanggihan ko na iyon dahil mas kailangan ng mga bata ang mag-aasikaso sa kanila. Pagluluto, paglalaba, pagpapaligo, paglilinis ng kwarto at kung ano-ano pa. Sa madaling salita, mahusay lang ako sa mga gawaing bahay at sa pag-aalaga ng mga bata.

Natatakot ako. Baka kasi kung susubukan kong sabayan sila sa pagsasalita ng Ingles ay mabuking nila ako. Masyado pang maaga para madiskubre nila ang pagpapanggap ko. Mas nakakahiya pa kung ang dahilan lang ng pagkakabuko nila sa akin ay dahil lang sa barok ako.

“Hey, are you okay? You’re sweating.” biglang pagputol sa akin ni Oliver.

Ayan na, nagsisimula na ako.Hindi ko kasi namalayang natulala na rin ako.

“H-ha?” tanong kong tila nabingi sa sinabi niya.

“Sabi ko pinagpapawisan ka. Ayos ka lang ba?” pag-aalala niya.

Salamat naman at nag-tagalog siya.

Tumango naman ako nang alanganin sa kanya.

“U-uhm… Yah!” sagot ko sa kanya habang may alanganing ngiti. Mabuti na lang pala at nakakanood ako ng TV sa bahay-ampunan kaya alam ko ang sosyal na ‘Yes’ na walang iba kundi ‘Yeah’.

Muling ngumiti si Oliver sa akin bago muling nagsalita.

“So, shall we?” tanong niya.

Ayan na naman siya!

Pambihira! Napakaiksi lang ng tanong niya pero hindi ko pa rin naintindihan!

Dahil sa hindi ko alam ang dapat kong sabihin ay mukhang hindi na siya nakapaghintay oa. Mabilis siyang tumayo at nagsimulang maglakad.

“Teka, teka, teka!” biglang pag-awat ko sa kanya at hinawakan ko pa ang braso niya.

Napahinto naman siya at gumuhit ang pagtataka sa kanyang mukha.

“P-pwede bang… pwede bang magtanong muna ako ng ilang mga bagay sa ’yo?” medyo nahihiya kong suhestiyon.

Sa pagkakataong ito ay mas lalo na siyang nagtaka. Ngunit makalipas lang ang ilang segundo ay tumango rin siya tanda ng pagsang-ayon. Kasunod nito ay muli siyang umupo sa tabi ko.

“Anong gusto mong malaman?” tanong agad nito.

Napakamot ako sa aking ulo dahil hindi ko alam kung paano ako magsisimula sa pagtatanong ko.

“Marami…” sagot ko. “’Di ba nga may amnesia ako? Marami akong gustong itanong pero uunti-untiin ko munang alamin ang ilan ngayon.” dugtong ko pang paglilinaw.

Mukhang nakumbinsi ko naman siya dahil nawala na ang pagtataka sa kanyang mukha. Kasunod nito ay ang kanyang pagtango.

“Sige. Saan mo ba guatong simulan? Ano ang mga gusto mong malaman?” tanong nito.

Huminga ako nang malalim para simulan ang pag-uusisa ko.

“Bukod sa pangalan mo, ano pang hindi ko maalala sa ’yo at sa akin? Anong pangalan ng mga anak natin? Ilang taon na sila?” sunod-sunod kong tanong.

“Hhhmmm…” sambit niya habang tumatango. “Well, ang tunay mong pangalan is Weldimar Santillan. Weldy ang tawag ng lahat sa ’yo. Eight years na tayong kasal. Si Kryz Mir Santillan ang panganay natin at si Marl Krist Santillan naman ang bunso. Six years old si Kryz at four years old naman si Marl. Doktor ang propesyon ko kaya madalas ay wala ako rito sa bahay dahil nasa ospital ako. Ikaw naman, nandito ka lang para personal na mangalaga sa ating mga anak.” mahaba niyang pagsagot sa mga katanungan ko.

“Ahhh…” tugon ko namang tumatango. “Eh, nasaan naman tayo? Anong lugar ’to? Saang probinsiya tayo nakatira?” sunod ko pang tanong sa kanya.

Natawa naman siya bago sumagot.

“Wala tayo sa probinsiya,” una niyang sagot. “Nandito tayo sa Maynila nakatira.” dugtong niya pa.

Nang mabanggit niya ang lugar na Maynila kung nasaan daw kami ay natigilan ako. Parang gusto nang lumabas ng aking puso mula sa dibdib ko.

Ibig sabihin, nandito na ako sa eksaktong lugar kung saan ko hahanapin ang pakay ko. Nandito ako sa Maynila kung saan ko makikita ang natitirang kamag-anak ko.

Dahil sa aking nalaman ay mas lalo akong naging determinado para ipagpatuloy ang pagpapanggap ko. Mas madali kong mahahanap ang aking kamag-anak kung naririto na ako sa Maynila. Ang kailangan ko na lamang gawin ay unti-untiin ang gagawing paghahanap. Hindi ko man alam kung paano sisimulan, handa naman akong maghintay kahit gaano pa katagal.

“What’s wrong, Weldy? Bakit nanlalaki ang mga mata mo?” biglang pagputol sa akin ni Oliver. Hindi ko na naman namalayan na ganoon na pala ang reaksyon ko.

“A-ahm… W-wala naman… Alam mo naman, bago sa akin ang nalaman ko. May amnesia nga ako, ’di ba?” pagpapalusot ko.

“Mmmm…” reaksyon niyang tumatango. “So, paano? Let’s go na? Handa ka na bang makausap ang mga anak natin? O baka may mga tanong ka pa?” paanyaya na nitong nakangiti.

Umiling na lang ako nang maraming beses bilang pagsagot sa katanungan niya. Sapat na siguro ang mga naitanong ko sa kanya ngayon. Sa ibang araw ko na lang aalamin ang iba. O kaya naman, ako na lang din mismo ang didiskubre sa mga iyon habang dito ako nakatira.

Matapos ang maikli naming pag-uusap ay agad na rin siyang tumayo kaya sinundan ko na siya. Lumabas kami ng kwarto na wala nang namamagitan pang usapan. Hindi ko na nagawa pang makapagsalita dahil bigla na naman akong kinabahan.

Sana ay magawa kong makumbinsi ang mga bata. Medyo kampante na akong napaniwala ko si Oliver na ako ang kanyang asawa kaya wala na akong masyadong problema sa kanya. Pero medyo nag-aalangan pa ako sa mga bata. Nasabi ni Oliver na si Weldy ang laging kasama ng mga bata, kaya may posibilidad na mapansin nila ang kaibahan namin ng kanilang tunay na ama.

Nang makarating kami sa tapat ng pinto ng isang kwarto kung saan siya lumabas kahapon habang karga ang kanyang bunso ay huminto muna ito.

“Ito ang kwarto nila, Weldy. Katabi lang din ng kwarto nating dalawa––”

“Ha?!! Kwarto nating dalawa ’yon?!! Ibig bang sabihin, magkatabi rin tayong natutulog?!!” bigla kong pagputol sa pagpapaliwanag ni Oliver. Masyado akong nagulat sa sinabi niyang iyon.

Nangunot naman ang kanyang noo bago ako sinagot.

“Natural! Mag-asawa nga tayo, ’di ba? Saan ka naman nakakita ng mag-asawa na magkahiwalay ang kwarto?” tanong nito sa akin.

Napalunok ako at hindi nakasagot sa sinabi ni Oliver.

Pambihira! Bakit hindi ko naisip ang bagay na ’yon?! Ang akala ko kasi ay iba ang sistema ’pag parehong lalaki ang mag-asawa! Ang akala ko ay babae at lalaki lang na mag-asawa ang dapat na nagtatabi sa kama! Ibig bang sabibin nito ay kailangan ko ring tiisin na katabi siyang matulog para lang mapanindigan ang aking pagpapanggap?!

Pinakalma ko muna ang aking sarili. Masyado akong nagulat sa aking nalaman dahil bago ito sa akin. Napapikit na lamang ako at nag-isip kung paano ko lulusutan ang bagay na iyon. Nakakailang na may katabi kang lalaki at kayo lang dalawa sa kwarto na mahihiga sa nag-iisang kama nito.

Nasa ganoon akong pag-iisip nang biglang magsalita si Oliver gamit ang malungkot niyang tono.

“Don’t worry, Weldy. Kung hindi ka pa komportable na makatabi ako sa iisang kama, naiintindihan ko. Sorry kung nabigla kita. Nawala sa isip ko na nakalimutan mo nga palang asawa mo ako. Hayaan mo, hindi naman ako madalas na nandito sa bahay dahil sa trabaho ko. At kung nandito naman ako, pwede naman akong matulog sa sofa na nandoon sa kwarto.” mahaba niyang lahad habang diretsong nakatingin sa pinto na nasa tapat naming dalawa.

Hindi ko alam ang sasabihin ko. Nahihiya ako sa kanya dahil sa ipinakita ko.

Nakakainis ka naman kasi, France! Bakit ba hindi mo mapigilan ang magulat?! Pigil-pigil din ’pag may time! Maaga ka nitong mabubuking sa kalokohan mo, eh!

Hihingi pa sana ako ng tawad sa kanya ngunit hindi na niya iyon nahintay pa. Agad din niyang inangat ang isa niyang kamay para kumatok sa kwarto ng mga bata.

“Kids, ang Daddy n’yo ito. Kasama ko ang Papa ninyo and he wants to talk to you.” pagtawag niya matapos ang ilang mga pagkatok.

Kinakabahan na talaga ako. Nabanggit niyang ‘wants to talk’ sa mga bata. Ibig sabihin, marami akong dapat sabihin sa kanila dahil may ‘s’ sa dulo ang salitang ’ want ’. Kung sinabi niya sanang ‘want to talk’ , isa lang sana ang sasabihin ko. Iyon kasi ang natutunan ko noong nasa elementarya pa lang ako. ’Pag isa lang, walang ‘s’ o ‘es’ sa dulo dahil singular. At ’pag dalawa naman o higit pa, plural daw.

Teka? Tama kaya ang tinuro ng teacher ko noon?

Napahinga na lamang ako nang malalim. Kung nakinig lang sana ako kay Sister Martina na ipagpatuloy ang pag-aaral ko noon, hindi sana ako lumaking mangmang. Masyado kasi akong nakatuon sa mga batang nasa bahay-ampunan.

“Pasok na tayo?” biglang pagyaya ni Oliver sa akin.

Nagulat ako na nakabukas na pala ang pinto. Masyado rin kasi akong nag-isip nang matagal tungkol sa singular at plural.

Mula sa aking pwesto ay nakita ko ang kabuuan ng malaking kwarto. Hindi ko maiwasang mamangha dahil napakaganda nito. Maraming laruan at stuff toys sa mga cabinet ganoon din sa sahig na may carpet. Dalawa rin ang kama at napakalaki nito para sa isang bata na mahihiga.

Ibang-iba ito kumpara sa mga kamang nasa bahay-ampunan na maliliit ang papag at kung minsan ay magkakatabi pa ang mga bata sa pagtulog. Ang ilan nga ay sa sahig pa natutulog kabilang na ako. Banig lang ang aming proteksyon sa lamig ng sahig.

“Halika na, Weldy. Hinihintay ka na nila.” pagyaya na naman sa akin ni Oliver.

Doon lang ako natauhan mula sa pagkakatulala. Ngayon ko lang din naramdaman na nakabuka pa pala ang aking bibig dahil sa pagkamangha.

“A-ahm… Sige…” nasagot ko lang kay Oliver at sinundan na siya na nasa aking tapat.

Habang naglalakad ay sinulyapan ko ang dalawang bata na nasa ibabaw ng isang kama. Ang panganay ay nakaupo roon habang ang bunso naman ay nakahiga.

Gusto ko nang umatras nang magsalubong ang paningin namin ng panganay ni Oliver na si Kryz. Masama ang tingin niya sa akin at alam ko na ang dahilan no’n. Galit pa rin siya sa akin dahil sa nangyari sa kapatid niya kahapon. Nang maligaw naman ang aking mata sa bunsong si Marl ay normal lang ito. Nakikita kong nanghihina pa siya dahil sa nangyari rito.

Huminto kami ni Oliver sa tapat ng kanilang kama. Itinuro pa sa akin ni Oliver ang pwesto sa kanyang tabi para ibigay ang mensaheng doon ako tumayo para makaharap sila.

Tahimik pa rin ang mga bata at nasa akin lang ang mga mata nila.

“Kryz, ’wag mong tingnan nang ganyan ang Papa mo. Papa mo pa rin siya kaya dapat mo siyang irespeto.” pagsaway ni Oliver sa kanyang panganay.

Hindi naman nagpatinag ang panganay. Sa halip na sundin ang kanyang Daddy ay umirap pa ito.

Aba, teka? Mukhang may ugali ang batang ito, ah? Mukhang sa kanya ako mahihirapan sa kanilang dalawa ni Marl.

Muling nagsalita si Oliver. Huminga muna siya nang malalim para simulan ang pagpapaliwanag sa kanyang mga anak. Ako naman ay walang nagawa kundi ang hintayin ang hudyat kung kailan ako dapat magsalita.

“Kryz, Marl, gusto kong maintindihan ninyo na ang nangyari kahapon ay hindi sinasadya ng Papa ninyo. Trust me, nakapag-usap na kami kagabi at alam kong nabigla lang din siya sa nangyari.” umpisang paliwanag ni Oliver.

Walang nagsalita sa dalawang bata. Mukhang naghihintay pa sila ng mas malalang paliwanag.

Dahan-dahang umupo si Oliver sa tabi ng anak niyang si Marl na nakahiga. Nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag gamit ang mas mahinahon niyang tono. Medyo nabastusan lang ako nang kaunti kay Oliver dahil hindi man lang niya ako niyayang umupo. Nakakangawit kaya ang tumayo!

“Kids, your Papa needs our help. Dahil sa nangyari sa kanyang aksidente, nawala ang memory niya. Meaning, nakalimutan niya ang lahat ng nangyari sa past niya. That’s why you shouldn’t blame him sa nangyari kahapon.” sunod na paliwanag ni Oliver.

Tiningnan ko kung ano ang magiging reaksyon ng dalawang bata sa naging paliwanag ng kanilang ama. Nasaksihan ko kung paano silang dalawa na nagkatinginan at kung paano mabilis na gumuhit ang pag-aalala sa kanilang mukha.

“Y-you mean, Daddy, may amnesia si Papa..? H-hindi na rin niya tayo naaalala?” nauutal na tanong ni Kryz sa kanyang ama. Nakita kong mabilis din na naipon ang kanyang mga luha sa mata.

Sinagot ni Oliver si Kryz sa pamamagitan ng marahang pagtango. At nang makita ang kompirmasyong iyon ng dalawang bata mula sa kanilang Daddy ay parang duet ang nangyari. Sabay silang umiyak nang pagkalakas-lakas.

“Hala???” hindi ko napigilang reaksyon dahil sa pag-aalala.

Natakot ako lalo na at nakita kong umiyak na naman ang bunso. Baka sumpungin na naman ito ng hika niya kaya lalo akong nag-alala.

“Tabi diyan!”

“Aray!” pagdaing ni Oliver dahil itinulak ko siya para mabigyan ako ng daan na makalapit sa mga bata.

Gamit ang aking mga palad ay mabilis kong pinunasan ang kanilang mga luha habang nakaluhod ako sa kama.

“Papa!!! Sorry na po!! Hindi ko po sinasadya ang sinabi ko kahapon!” umiiyak na paghingi ng tawad sa akin ni Kryz.

“Okay lang! Tahan na! Kalimutan mo na ’yon! ’Wag na kayong umiyak!” natataranta ko namang sagot sa kanya habang patuloy kong pinupunasan ang kanilang mga luha.

“Papa!!! Papa ko!!!” iyak din ni Marl habang nakahiga ito.

“Maryosep! Halika nga rito!” naging reaksyon ko naman kay Marl at marahang inalalayan itong makaupo. Kasunod nito ay niyakap ko siya at hinaplos ang kanyang likod.

“P-papa… ’Wag mo nang bati si Ate Kryz… K-kasi… sinigawan ka niya… Hindi ako galit sa ’yo… Siya lang po… Promise po…” wika nito sa pagitan ng pag-iyak habang mahigpit ang yakap sa leeg ko.

Hindi pa man din ako nakakasagot ay mabilis din na yumakap sa akin si Kryz. Kaya ngayon, napaupo na ako sa kama habang yakap silang dalawa.

“Tahan na… ’Wag na kayong umiyak… Sige kayo, maiiyak na rin ako…” pagsasabi ko ng totoo. Natatakot na talaga akong maulit ang nangyaring pag-atake ng hika ng bunso.

Muling nagsalita si Kryz na patuloy pa rin sa kanyang pag-iyak.

“Hindi po ako galit, Papa… You know how much I love you, right..? Please, don’t get mad at me… Sorry, Papa… Sorry po…”

Ano raw? I love you lang ang naintindihan ko.

“Aylabyutu, Ate Kryz…” sagot ko na lang. Medyo matigas pa ang punto ko. Magsasanay na lang ako sa susunod.

“How about me, Papa..? Hindi mo ba ako mahal..?” si Marl naman ngayon na nagtatanong. Mukhang may pagkaseloso rin ang batang ito.

“Siyempre naman mahal! Kaya aylabyutu!” mabilis ko namang sagot kay Marl.

Nasa ganoon kaming tagpo nang umalingawngaw ang tawa ni Oliver sa buong kwarto. Iyon din ang naging dahilan para matigilan kaming tatlo. Napatigil na rin sa pag-iyak ang magkapatid dahil sa pagkabigla sa ama ng mga ito.

Dahan-dahan ay nagbitiw kami sa pagkakayakap ng mga bata at nilingon ang kanilang Daddy na naglulupasay na ngayon sa kakatawa. Nakahiga na rin ito sa kama at halos hindi na makapagsalita.

Anyare sa ama nila? Nabuang na?

Wala kaming nagawa ng mga bata kundi ang magkatinginan. Pare-pareho kaming nag-iisip kung anong pinagdadaanan ng kanilang ama na solo kung magsaya.

“S-sorry, sorry! Hindi ko mapigilan! Ang cute n’yo kasi!” natatawang paliwanag ni Oliver habang tumatawa. Umahon na rin ito mula sa pagkakahiga sa kama.

Kitang-kita ko ang kasiyahan ng kanilang ama. Hindi na ito tulad kanina na parang may kulang sa kanya.

“Daddy naman, eh! Nagda-drama pa kami rito, oh?!” pagmamaktol ng panganay na si Kryz.

Natawa pa rin si Oliver na kinuha si Kryz para makaupo sa kanyang kandungan. Si Marl naman ay nanatiling nakayakap sa akin.

Habang kandong ni Oliver si Kryz ay doon ko lang napansin na magkahawig nga sila. Ang ganda niyang bata tulad ng ama niyang mukhang artista. Nang tingnan ko naman si Marl na kalong ko ay hindi ko maiwasang mamangha dahil may pagkakahawig din kaming dalawa. Hindi ko tuloy maiwasang yakapin ulit at panggigilan ito dahil ang cute niya.

“So, mukhang okay na kayo! Hindi na kayo galit sa Papa ninyo?” tanong na nakangiti ni Oliver sa mga bata.

Umiling naman ang dalawang bata bilang pagsagot.

Matapos iyon ay hinarap naman ako ni Oliver saka ako kinausap.

“See? Sabi ko sa ’yo, wala kang dapat ipag-alala. Sa murang edad nila, mabilis nilang naiintindihan ang mga bagay-bagay kahit sa maikling paliwanag lang.” pagmamalaki nito sa akin.

Napangiti rin ako habang tumatango. Tama si Oliver, matatalino ang mga batang ito. Ang akala ko ay mahihirapan silang mapaamo tulad ng mga napapanood ko sa TV. Isa pa, mukhang mababait talaga sila tulad ng mga inalagaan kong bata sa bahay-ampunan na pinanggalingan ko.

Nagpatuloy si Oliver sa pagpapaliwanag sa mga bata suot pa rin ang kanyang magandang ngiti.

“So, kids, from now on, kailangan ninyong habaan ang pasensiya n’yo. Hindi tayo maalala ni Papa sa ngayon. Pero kung ipagpapatuloy lang ninyo ang maganda n’yong pakikitungo sa kanya, babalik din tayo sa dati.” payo nito sa kanyang mga anak.

Si Kryz naman ay hindi napigilang mag-usisa.

“Daddy, temporary lang naman po ang amnesia ni Papa, ’di ba? Hindi siya permanent? Maaalala niya rin po tayo, ’di ba?” tanong nito.

Grabe! Ang talino naman ng panganay nilang ito! Kung sabagay, mukhang nakuha niya rin ang katalinuhang iyon sa kanyang ama.

“I hope so. But it doesn’t matter, Ate. Ang importante, kasama na natin ulit ang Papa ninyo, ’di ba? Iyon naman ang mahalaga. Makakapagpatuloy naman tayo dahil nagising na siya.” sagot ni Oliver.

Tila ba madali naman iyong naintindihan ng dalawang bata dahil mabilis silang tumango habang may ngiti sa kanilang labi.

Sa pagkakataong ito ay si Marl naman ang nagsalita habang kalong ko pa rin ito.

“Don’t worry, Papa! Magiging good boy na po ako para hindi sumakit ang ulo mo!” wika nito sa akin at hinawakan pa ang pisngi ko.

Gusto ko nang kurutin ang pisngi ng dalawang bata dahil sa panggigigil, kaso lang ay baka isipin ng ama nilang sinasaktan ko sila.

“Sus! Siguraduhin mo lang, Marl!” pagkontra ng kanyang Ate.

Napanguso tuloy si Marl dahil sa sinabing iyon ni Kryz. Kami naman ni Oliver ay parehong natawa dahil sa kakulitan nila.

Ilang sandali pa ay umalis si Kryz mula sa kandungan ni Oliver at nilapitan ako. Hinawakan nito ang magkabila kong pisngi at hinalikan ito. Kasunod nito ay malapad ang ngiti niyang kinausap ako.

“Papa, hindi mo kailangang madaliin na maalala kami. Masaya na po kaming bumalik ka sa amin.” malambing niyang pakikipag-usap sa akin.

Hindi naman nagpatalo ang bunso. Hinawakan niya rin ang magkabila kong pisngi at hinalikan din ito.

“Papa, ’wag ka na ulit aalis, ha? Malulungkot si Ate Kryz saka ako saka si Daddy ’pag iniwan mo ulit kami.” wika naman nito sa malungkot niyang tono.

Napakalambing naman ng mga batang ito. Nakakatuwa na napalaki sila nina Oliver at Weldy nang maayos dahil mababait sila. Sa kabila man ng pagiging iba nila sa karaniwang pamilya na lalaki at babae ang tumatayong magulang, masasabi kong higit pa sila sa mga iyon. Napakaganda ng kanilang samahan at masasabi kong mas nakakaangat sila dahil puno sila ng pagmamahalan.

Bago man sa akin ang mga bagay na ito, masasabi kong may natutunan ako. Mukhang marami rin akong matututunan pa sa kanila sa paglipas ng mga araw na kasama ko sila.

“Papa, pinapatawad mo na ba ako sa pagsigaw ko sa ’yo kahapon? Sorry na po. Hindi ko po sinasadya. Hindi na rin po mauulit. Promise, next time makikinig muna ako bago ako magagalit.” biglang pagkausap sa akin ni Kryz.

“Ako rin, Papa! Next time, hindi muna ako iiyak para hindi ka na mag-worry. Si Ate po kasi, eh…” si Marl naman na nakanguso.

“Hala? Bakit ako na naman? Kanina mo pa ako sinisisi, ah?” pakikipagtalo ni Kryz sa kapatid niya.

Hindi na naman namin naiwasang matawa ni Oliver habang pinapakinggan ang pagtatalo nila.

Mukhang pagkakataon ko na ito para magsalita. Baka mauwi pa sa away ang magkapatid kaya kailangan ko na silang maawat.

“Dito nga kayo, mga anak,” pagyaya ko sa kanilang dalawa para makaupo sila sa aking hita.

Maayos naman nila akong sinunod at tahimik lang silang naghihintay sa mga sasabihin ko. Hinaplos ko ang kanilang mga buhok at salitan ko silang tinitingnan nang magpatuloy ako.

“Ako ang dapat na humingi ng pasensiya sa inyo dahil pabigla-bigla ako kahapon. Sorry, ha? Pero sana, tulad ng sinabi ng Daddy ninyo, habaan n’yo sana ang pasensiya sa akin kung may mga bagay akong nakalimutan.” panimula kong pakikipag-usap sa kanila.

Hindi naman sila nagsalita ngunit sinagot nila ako ng magagandang ngiti nila.

“Pero wala kayong dapat na ipag-alala. Dahil ngayong nagbalik na ako, gagawin ko ang lahat para makabawi sa inyo. Ako na ulit ang personal na mag-aasikaso sa inyo.” pagbibigay mensahe ko at saglit na tumigil para magbitiw ng malapad na ngiti sa kanilang dalawa. “Kaya maghanda na kayo! Dahil lagi ko na kayong kukulitin!!” malakas kong dugtong at kiniliti ko silang dalawa.

Tawa sila nang tawa sa ginagawa kong pakikipaglaro sa kanila. Maging si Oliver ay hindi naiwasan ang tumawa ang pinapanood ang kanyang mga anak na masayang-masaya.

Ganitong-ganito ang ginagawa ko sa mga batang nasa bahay-ampunan na inaalagaan ko noon. Sinisiguro kong hindi sila makakaramdam ng lungkot dahil wala silang mga kamag-anak na nag-aaruga sa kanila. Pinaparamdam kong sapat na kahit kami-kami lang ang magkakasama.

Ako na ang tumayo bilang magulang nila. Ako ang naging pamalit at reserba sa mga taong dapat na naroon para maalagaan sila.

Nakakalungkot mang isipin na hindi ko na kasama ang mga batang iyon, masaya naman ako dahil nabigyan akong muli ng pagkakataon na magkaroon ng makakasamang mga bata. Higit pa roon, hindi ko lang basta makakasama sina Kryz at Marl. Dahil magmula ngayon, mga anak ko na sila.

Ang tanging hiling ko lang sa mga oras na ito, sana ay hindi nila ako kamuhian sa oras na malaman nila ang totoo. Sana ay hindi sila sa akin magalit sa oras na madiskubre nila ang pagpapanggap ko bilang Papa nila.

Dahil ramdam ko, mapapamahal na rin sila sa aking dalawa.


A/N

Thank you for reading, guys! Sana ay nag-enjoy kayo.

Para kay

alkie02

ang chapter na ito. Salamat sa lahat, bhe! Alam mo na kung para saan ang mga iyon! 😘

’Til next chapter, fellas! Salamat sa mga patuloy na nag-aabang sa mga magiging tagpo!

–– cold_deee ❤

01.26.201

8

Chapter 3


FRANCE POV

Lumipas pa ang ilang mga araw ng pananatili ko rito sa bahay ng pamilyang Santillan. Wala naman akong masabi sa ganda ng kanilang pamumuhay. Hindi lang sila basta may kaya kundi mukhang mayaman talaga sila.

Maraming beses na akong naging ignorante sa kanilang mga kagamitan. Mabuti na lang at mababait ang kanilang mga kasambahay na sina Ate Aning at Ate Loca. Lagi silang nakaalalay sa aking mga dapat gawin. Naipaliwanag na rin sa kanila ni Oliver ang pinaniniwalaan niyang aking kondisyon kaya lagi rin silang nasa aking tabi para ituro ang mga bagay na hindi pa sa akin pamilyar.

“Pero, Kuya Weldy, nakakapagtaka ang amnesia mo, ’no? Masyadong kakaiba!” pagdududa ni Ate Aning.

Naririto kami sa kusina at tinutulungan ko siyang ihanda ang baon ng mga bata sa eskwela. Ako rin ang nagluto ng mga ito bagama’t sinubukan nilang pigilan ako.

Agad akong nakaramdam ng kaba sa katanungan niyang iyon. Ganoon din ang naging tanong sa akin ni Ate Loca kahapon, kakaiba raw ang uri ng aking amnesia.

“B-bakit mo naman nasabi?” hindi ko napigilang mautal dahil sa pag-aalala. Hindi ko rin siya magawang tingnan sa mata dahil baka mapansin niya ang pagkakaiba namin ng dating amo niya.

“Sa mga napapanood ko kasi sa TV, Kuya, mga kaganapan lang at mga taong nakapaligid sa kanya ang nakakalimutan ng taong may amnesia. Pero sa kaso mo, pati paggamit ng aircon, hindi mo pa alam! Parang bago ang lahat ng bagay sa ’yo? Alam mo ’yon?” pag-uusisa nito.

Kung hindi lang ako nagpapanggap ngayon, baka nasungitan ko na itong si Ate Aning. Magso-sorry ako sa kanya dahil ignorante ako! Anong magagawa ko? Eh, electric fan lang ang gamit namin sa bahay-ampunan!

“Sorry, Ate Aning. Nakakaabala na ba ako sa inyo?” pagpapakumbaba ko na lang. Medyo nakaramdam din ako ng lungkot dahil pakiramdam ko ay nagiging pabigat na ako.

Mabilis na umiling nang maraming beses si Ate Aning, umalog-alog tuloy ang bilugan niyang pisngi.

“Naku, Kuya! Hindi, hindi! Hindi sa gano’n! Nakakatuwa ka nga, eh! Para kang bata! Natutuwa ka ’pag natututunan mong gamitin ang mga high-tech na bagay! Ang cute-cute ng reaction mo! Tapos cute ka pa kaya aliw na aliw talaga kami sa ’yo!” mahabang depensa nito.

Hindi ko maiwasang makaramdam ng hiya tuwing nabibigyan ako ng papuri tungkol sa aking mukha. Marami na ang nakapagsabi sa akin na cute daw ako. Maputi kasi ang balat ko, may singkit na mata, matangos na ilong at mapupulang labi. Ang sabi nga ng ilan, masarap daw akong gawing panabit sa bag o kaya naman ay gawing display sa bahay. Hindi ko naman magawang paniwalaan ang bagay na iyon dahil kung talagang cute ako, sana ay naampon na ako noong bata pa lamang ako. Pero wala. Walang nagkainteres kahit na isang mag-asawa na kunin ako.

“Hindi po totoo ’yan, Ate Aning…” nakangiti ngunit malungkot kong pagkontra sa kanya.

Gumuhit naman ang hindi makapaniwalang reaksyon mula sa kanya.

“Anong hindi? Kaya nga patay na patay sa ’yo si Kuya Oliver, eh! Pers lab ka niya, Kuya! Ang tagal ka nga niyang niligawan, ’di ba? Kaya noong sinagot mo siya, para siyang nanalo sa lotto! Sigaw siya nang sigaw na siya na ang pinakamasayang tao sa mundo dahil napasagot niya raw ang isang diyosa na naligaw sa lupa!” pagmamalaki nito.

Natawa naman ako sa sinabi niyang iyon.

“Ate, naman! Sobra ka naman makapuri! Kahit anong sabibin mo, hindi magbabago ang paniniwala kong hindi ako cute! Ang pangit ko kaya!” natatawa kong pagkontra ulit sa kanya.

Tumatawa ako sa mga oras na ito, pero naninikip ang dibdib ko. Hindi ko kasi maiwasang makaramdam ng lungkot tuwing naiisip kong walang gustong kumuha sa akin noon sa bahay-ampunan.

Naaalala ko pa noon na ako lang ang naiiba ang reaksyon tuwing pinapatawag kaming mga bata nina Sister Martina para ipakilala sa mga gustong mag-ampon. Ako lang ang namumukod-tanging bata na nakangiti samatanlang ang iba ay umiiyak na. Alam na kasi naming naroon sila para kuhanin ang isa sa amin.

Sobrang saya ko tuwing may darating na bisita. Iniisip ko kasing sa wakas ay magkakaroon na ako ng pamilya. Iyon lang naman ang gusto ko, ang may matatawag akong sariling pamilya ko. Pero sa huli, hindi ako ang mapilili. Mas gugustuhin pa nila ang batang ayaw sa kanilang sumama. Wala na lang akong nagagawa kundi ang panoorin ang pag-alis nila.

Paulit-ulit ko noong tinatanong sa aking sarili kung ano ba ang mali? Ngumingiti naman ako sa mga bisita, ipinapakita kong mabait akong bata, pero bakit hindi nila ako kinukuha? Siguro ay pangit ako? Siguro, ang tingin nila ay salbahe ako? Kaya hanggang sa lumaki na lang ako ay nasa bahay-ampunan pa rin ako. Mas lalo na rin nawala ang maliit na pag-asa kong makaalis sa lugar na iyon dahil nagbinata na ako.

“Sobra ka naman sa sarili mo, Kuya Weldy! ’Wag kang mag-iisip nang ganyan! ’Di ba nga, ikaw pa nga ang nagsabi sa amin dati na walang pangit na nilalang?! May kanya-kanya tayong ganda kaya dapat ay ’yon ang ipagmalaki natin!” pakikipagtalo nito sa akin.

Nangunot ang noo ko at nilingon siya. Tapos ko na rin kasing mailagay sa bag ang pagkain ng mga bata.

“Sinabi ko talaga ’yon?!” nagtataka kong tanong sa kanya.

“Oo naman! ’Di ba nga, nag-away kasi kami ni Loca dahil kay Dodong na hardinero naman diyan sa kabilang bahay?! Pinag-agawan namin siya ni Loca! Laitan kami ng laitan sa kapintasan namin! Pero sa huli, nalaman naming sila na pala ni Ling-Ling! ’Yung naglalako ng Yakult dito tuwing tanghali?! Nakalimutan mo na ba?!” mahaba niyang pagkekwento.

Natulala na lang ako sa tsismis niya sa akin. Ngayon ko lang naisip na hindi ko talaga maaalala ang mga bagay na iyon dahil hindi naman ako ang dati nilang amo. Masyado na yata akong nadadala sa pagpapanggap ko kaya nagiging mausisa na ako sa mga bagay na wala naman talaga akong alam.

Huminga ako nang malalim at muling itinuon ang sarili sa aking ginagawa.

“Ate Aning, talaga. Paano ko naman maaalala ’yon? May amnesia nga ako, ’di ba?” pagputol ko na lang sa kanya. “Hindi kaya ikaw ang may amnesia sa ating dalawa kaya nakalimutan mong may amnesia ako?” pagbibiro ko na rin sa huli at tumawa ako.

Mukhang natauhan naman siya dahil napakamot siya sa kanyang ulo.

“Oo nga pala, ’no? Sorry naman…” nahihiya niyang paghingi ng dispensa.

Muli akong natawa sa kanya. Naaliw kasi siya sa pagkakamot ng kanyang ulo kaya nagulo ang bubok niya.

“Halika na nga! Ibigay na natin ’to sa mga bata dahil baka mahuli na sila sa eskwela!” pagyaya ko na lang na natatawa sa kanya.

Sinundan naman niya ako na nagtungo sa malaking sala. Nang makarating kami roon ay nakita naming nakaupo na ang dalawang bata sa sofa at mukhang handa na talaga sila. Suot na nila ang kanilang uniform na talagang napakaganda. Mukhang sa private school sila nag-aaral dahil kakaiba ang pagkakayari ng kanilang uniform.

“Papa! Ready na kaming pumasok!” masiglang salubong sa akin ni Kryz. Lumapit pa ito sa akin para bigyan ako ng halik.

Ngayon ang unang beses na makikita ko silang papasok ng eskwela. Ang sabi kasi sa akin nina Ate Aning ay may isang linggo din silang hindi pumasok simula nang magising ako mula sa mahabang pagkakatulog ko.

Niyakap ko si Kryz dahil sa panggigigil ko. Kasunod nito ay inayos ko ang buhok niyang bahagyang nagulo.

“Galingan sa school, ha? ’Wag magpapasaway sa teacher.” masaya ko namang paalala sa kanya.

“Siyempre naman po! Consistent top one pa rin ako kasi gusto kong maging proud kayo ni Daddy sa akin!” pagmamalaki naman nito.

Consistent? Ano ’yon? Condensed lang ang alam ko, ’yong isang uri ng gatas, ’yong malapot.

“Mabuti naman!” sagot ko na lang para makalusot at muli siyang niyakap. “Mmmm!! Ang galing-galing talaga ng panganay ko!” papuri ko pa habang yakap siya.

Narinig ko naman ang kanyang mahinang pagtawa. Ang sarap talagang pakinggan ang tawa ng mga bata.

Kasunod ni Kryz ay nilingon ko naman si Marl na nasa sofa. Nakayuko ito at napansin kong may inaayos sa sapatos ito. Kahit nakayuko siya ay kitang-kita ko naman na nakanguso siya. Mukhang problemado sa sintas ng sapatos niya.

Nilapitan ko siya at hindi ko naiwasan ang matawa. Ang cute niya kasi.

“Akin na nga, anak.” sambit ko at lumuhod sa tapat niya. “Ganito kasi ’yan. Iikot mo muna nang isang beses bago mo pagbuhulin. At para hindi madaling matanggal, ibubol mo pa nang isa.” nakangiti kong pagtuturo kung paano isintas ang sapatos niya.

Nang maisintas nang maayos ang sapatos niyang iyon ay mabilis na gumuhit ang malapad na ngiti niya.

“Thank you, Papa!” masaya nitong sambit at niyakap ako.

“Alam mo na ba ang gawin sa susunod?” tanong ko namang nakangiti sa kanya habang yakap pa rin siya.

“Hindi pa rin po! Kaya ikaw pa rin po ang mag-ayos bukas, ha? Saka sa susunod na bukas at sa mga bukas pa ulit! Ang hirap kasi, eh!” sagot at pagmamaktol naman nito.

Hindi ko na naman mapigilan ang matawa dahil ang cute niya talaga.

“Oo na po! Ako na ang laging magsusuot ng sapatos mo!” pagsang-ayon ko na lang sa kanya.

Saglit pa kaming magkayap ni Marl hanggang sa magbitiw na kaming dalawa.

“Handa na ba kayong pumasok? Mag-iingat kayo, ha? Hihintayin ko na lang kayo mamaya.” simula ng pagpapaalam ko sa kanila.

Napanguso namang muli Marl nang sagutin niya ako.

“Papa, ihatid mo kaya kami sa school? Diyan lang naman ’yon, eh… Maglalakad lang tayo kaya hindi ka mapapagod…” mungkahi nito.

Naku! Mukhang nagpapalambing ang bunso!

Hindi pa man ako nakakasagot ay siya na ring paglapit sa amin ni Kryz.

“Oo nga, Papa! Lagi na lang kasing sila Ate Loca at Ate Aning ang naghahatid sa amin, eh! Medyo nai-immune na rin kami sa kanila kaya sana ikaw naman this time…” si Kryz naman na sinasang-ayunan ang kapatid niya.

Kung ganito ba naman kalambing ang mga batang ito, makakatanggi ba ako?

Dahil sa wala naman akong ibang gagawin tulad nitong mga huling araw na pananatili ko rito ay hindi ko maiwasang makaramdam ng pananabik. Hindi pa ako nakakalabas ng bahay simula nang magising ako kaya gusto ko rin makita ang labas nito. Isa pa, kailangan ko rin ang mag-ikot-ikot kahit man lang sa lugar na ito para maging pamilyar. Kakailanganin ko rin ito sa oras na hanapin ko ang aking pakay rito sa Maynila.

“Siyempre naman! Kahit nga maghintay na lang ang sa inyo sa labas ng school, pwedeng-pwede!” maagap kong pagsang-ayon sa kanila.

Bukod sa mga dahilang nasabi ko kanina, gusto ko rin makita ang kanilang eskwelahan. Gusto ko rin masiguro na ligtas silang makakarating doon lalo na at nasabi sa akin ni Sister Martina na mapanganib dito sa Maynila.

Nang marinig ng mga bata ang aking sagot ay namilog ang kanilang mga mata tanda ng labis na tuwa.

“Yehey!! Ihahatid kami ni Papa! Ihahatid kami ni Papa!” si Marl na nakataas pa ang dalawang kamay at parang sumasayaw.

Si Kryz naman ay hindi napigilang yakapin ako dahil sa saya. Kahit sina Ate Aning at Ate Loca ay hindi naiwasang matawa dahil sa nakikita sa mga bata.

Hindi na ako nag-abala pang magpalit ng damit bago makalabas ng bahay. Aaminin ko, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay sa mga damit ni Weldy na isinusuot ko. Pambahay lang ito, pero sa kagaya ko na namuhay nang simple, pwede na itong suotin pang-Christmas party.

Nang makalabas kami ng bahay ay hawak ko ang kamay ng mga bata. Sina Ate Aning at Ate Loca naman ang may bitbit ng mga bag nila. May sarili rin silang mundo dahil sila lang ang nag-uusap na dalawa.

Hindi ko maiwasang mapanganga dahil sa pagkamangha sa aking mga nakikita dito sa kanilang lugar. Magkakalayo ang mga bahay na naririto at malalaki ang bawat isa nito. Tahimik din dito at mukhang malayo sa gulo. Kabaligtaran sa sinabi sa akin noon ni Sister Martina na magulo rito sa Maynila. Malawak ang kalsada rito, ngunit ang nakakalungkot, wala akong nakikitang mga batang naglalaro.

“Ang sarap sigurong magpatintero rito?” bulong ko habang nakatingin sa kalsada.

“Ano ’yon, Papa?” biglang tanong ni Kryz na nasa kanan ko.

Pambihira! Hindi ko na naman napigilan ang bibig ko. Masyado kasi akong natutuwa sa mga nakikita ko.

“Wala, anak.” pagpapalusot ko na lang. “Malayo pa ba ang eskwelahan ninyo?” sunod ko pang tanong para makaiwas.

Si Marl na nasa aking kaliwa naman ang sumagot sa pagkakataong ito.

“Malapit na po, Papa! Pagliko natin sa corner doon, nandoon na po ang school namin ni Ate.” sagot nito habang tinuturo ang isang kanto na medyo malayo pa sa aming pwesto.

Napatango na lang ako nang marahan. Corner pala ang ingles ng salitang ‘kanto’. Ang saya naman! May natutunan akong bago!

Nagpatuloy kami sa paglalakad. At nang marating namin ang corner na sinasabi ni Marl ay muli akong namangha. Marami nang estudyante at may kanya-kanya silang sinasakyang kotse. Tama nga ang hinala kong sa private school sila nag-aaral dahil puro yayamanin ang mga estudyante.

Siguro ay nanlalaki ang mga mata ko kaya napansin ako ni Ate Loca.

“Kuya Weldy, ito ang school ng mga anak mo. Dito rin kayo nagtapos sa pag-aaral ng Kuya mo at ni Kuya Oliver. Nandito tayo sa building ng elementary at highschool. Katabi rin ng school na ’to ang university para naman sa mga college students, pero nasa kabilang kanto pa ang entrance no’n.” pagbibigay nito ng impormasyon sa akin.

Tumango-tango naman ako sa kanya bilang pagsagot. Hindi ko magawang magsalita dahil pa rin sa pagkamangha.

Nang marating namin ang malaking gate ng school ay hindi ko na naman naiwasang magulat.

“Hala?! Ang laki!” sambit ko nang makita ko ang malalaking gusali ng eskwelahan. Malawak din ang labas nito na puro bermuda grass gaya ng hardin nila sa kanilang bahay.

Narinig ko ang tawanan ng mga bata ganoon din sina Ate Aning at Ate Loca.

“Si Papa talaga! Parang ngayon ka lang nakakita ng ganitong school?!” reaksyon ni Kryz.

Natawa na lang din ako nang alanganin. Totoo naman kasi ang kanyang sinabi, ngayon lang ako nakakita ng ganitong eskwelahan. Sa aming probinsiya kasi ay lupa lang ang nilalakaran sa labas. Kaya nga problemado ang mga estudyante tuwing umuulan dahil maputik doon. Isa pa, ang gusali roon ay may isang palapag lang. Samantalang dito ay parang mga hotel sa ibang bansa na sa TV ko lang nakikita.

Tiningnan ko ang malaking gate kung saan nakaukit ang pangalan ng eskwelahan.

“Silvestre Academy…” pagbasa ko rito gamit ang mahinang boses ko.

Mukhang narinig na naman nila ang pagbulong kong iyon dahil bigla na lang si Ate Aning nagsalita.

“Oo, Kuya Weldy. Ang alam namin, pamilyang Silvestre ang nagmamay-ari ng eskwelahang ito. Silvestre University naman ang pangalan ng college building kung saan kayo nakapagtapos nina Kuya Oliver.” pagbabalita nito sa akin.

“A-ahhh..” reaksyon ko lang habang tumatango.

Gusto ko sanang itanong sa kanila kung ano ang kursong tinapos ko, ang ibig kong sabibin, ang kursong tinapos ni Weldy. Pero naisip kong sa ibang araw ko na lang iyon itatanong dahil baka humaba pa ang usapan namin at iyon pa ang maging dahilan para mahalata nila ang pagpapanggap ko.

Nasa ganoon kaming pag-uusap nang tawagin ang aming pansin ng isang babaeng gwardya.

“Good morning Santillan kids! Kasama n’yo pala ang cute na Papa ninyo!” pagpuna nito sa amin. “Hi, Sir Weldy! Long time no see!” bati nito sa akin.

Kumaway at ngumiti na lang ako sa kanya bilang pagbati pabalik. Matapos iyon ay naramdaman ko ang paghila ni Marl sa aking isang kamay kaya nilingon ko ito.

“Papa, may crush ’yan sa ’yo si Ateng lady guard! ’Wag kang ngumiti sa kanya kasi baka magselos si Daddy!” pabulong nitong utos sa akin.

Dahil sa aking narinig ay hindi ko naiwasan ang matawa. Napakaseloso niya talagang bata.

“Hindi ko naman ipagpapalit Daddy n’yo sa kanya. Binati ko lang siya kasi mukha naman siyang mabait.” pagsakay at pagpapaintindi ko na lang dito.

Kahit si Kryz ay hindi naiwasan ang matawa dahil sa sinabi ng kanyang kapatid.

“Oo nga, Marl. Saka parang hindi ka pa nasanay sa mga taong cute na cute kay Papa? Kahit saan tayo magpunta, pinagtitinginan siya! Just be proud dahil may Papa tayong pogi kagaya niya! Wala silang Papa Weldy hindi kagaya natin!” pagpapaintindi nito sa kanyang kapatid.

Hindi ako nakapagsalita sa sinabing iyon ni Kryz. Ganoon na ba ang mga papuri at atensyong nakukuha ni Weldy? Ganoon karami ang mga taong humahanga sa kanya?

Hindi ko maiwasang mag-isip. Magkamukha kami ni Weldy, pero paano niya nakukuha ang atensyon na hindi ko noon naranasan sa iba? Bukod kaya sa aming mukha ay may kaibahan pa kaming dalawa?

Nasa ganoon akong pag-iisip nang basagin iyon ni Marl.

“Sige na nga…” nakanguso niyang reaksyon bago ako muling nilingon. “Papa, papasok na po kami ni Ate Kryz.” pagpapaalam na nito.

Ngumiti naman ako at nagbitiw ng matamis na ngiti. Kasunod nito ay yumuko ako para magpantay ang aming mukha.

“Galingan sa school, ha? ’Wag mangungulit sa teacher at sa mga kaklase! Gusto kong makita kung may stars ka mamaya, okay?” pagpapaalala ko sa kanya.

“Mmmm! Gagalingan ko para kay Papa!” sagot naman ni Marl pabalik habang tumatango.

Dahil doon ay hindi ko na naiwasang kurutin ang kanyang pisngi. Ang cute kasi ng mga anak ko, este, ng mga anak ni Weldy.

“Bye, Papa! We’ll see you later! Hintayin mo kami sa house, ha?” si Kryz naman na niyakap ako at hinalikan pa ang pisngi ko.

Ginantihan ko rin siya ng halik sa pisngi kaya lalo siyang napangiti.

“Ikaw na muna ang bahala kay Marl, Ate Kryz, ha? Wala kami sa loob kaya hindi namin siya mababantayan.” paalala ko naman sa kanya.

“Opo, Papa. Isusumbong ko siya ’pag naging makulit siya.” pilya niya namang sagot habang nakataas ang isang kilay niya.

Hindi ko na naman maiwasang matawa. May pagkamaldita ang batang ito, pero alam kong ginagawa niya ang responsibilidad ng isang Ate sa kanyang kapatid.

Hindi naman kumontra si Marl sa sinabi ng ate niyang iyon. Mukhang sanay na rin siya sa ugali nito. Muli na lang ako nitong kinausap habang nakanguso.

“Papa, pwede po bang ikaw na lang din ang magsundo sa amin mamaya?” bigla nitong suhestyon.

Hindi pa man ako nakakasagot at sumabat naman si Kryz.

“Oo nga, Papa! Na-miss ka namin, eh! Kaya sige na po! Ikaw na lang ang magsundo…” pakiusap din nito.

Gusto ko na silang kagatin sa totoo lang. Ang cute kasi nila at napakalambing. Pero baka ’pag ginawa ko iyon ay maakusahan na lang akong nang-aabuso ng bata kaya pinigilan ko na lang.

“At sino bang nagsabi na tatanggi ako? Siyempre naman gusto kong kasama lagi ang mga cute na batang ’to! Kaya sige, ako na lang ang magsusundo!” sagot ko sa kanilang masigla.

Napatalon naman sila dahil sa tuwa. Kasunod nito ay niyakap nila ako at paulit-ulit na hinalikan ang pisngi ko.

May ilang saglit pa kaming nasa labas ng gate. Paulit-ulit kasi ako sa pagpapa-alala sa kanilang mag-ingat at mag-aral mabuti. Inulit ko pang ubusin ang pagkain na inihanda ko para sa kanila. Sinabi kong dapat ay maubos iyon dahil marami ang nagugutom na bata at maswerte sila dahil marami ang baon nila. Medyo narindi na nga yata sila dahil napakamot na lang sila sa ulo nila.

Matapos ang ilang minutong pagpapaalam ay tuluyan na rin silang pumasok sa eskwelahan. Agad na rin kaming umalis doon para makabalik sa bahay ng mga Santillan.

Tahimik lang akong nagmamasid sa kapaligiran para maging pamilyar ito sa akin. Mabuti na lang pala at kahit paano ay nakakapagbasa at nakakapagsulat ako. Dahil kung hindi, mahihirapan talaga ako sa bagong buhay ko.

Sina Ate Aning at Ate Loca naman na nasa aking tabi ay walang ginawa kundi ang magkwentuhan ng tungkol sa mga kalalakihan. Nakakatuwa naman na nagkakasundo silang dalawa hindi tulad ng mga napapanood ko sa TV na minsan ay magkakaaway ang mga kasambahay. Isa pa, mukhang mababait naman sila.

Nang makabalik kami sa aming bahay ay doon ako nakaramdam ng lungkot. Binalot na naman ako ng mga katanungan kung ano na ba ang nangyayari sa buhay ko. Kung paano ako napasok sa sitwasyong ito. Alam ko namang ginusto ko ito, pero natatakot ako sa magiging resulta ng pagpapanggap ko.

Sina Ate Aning at Ate Loca ay nagbalik na sa kanilang pagtatrabaho kaya wala na naman akong nakakausap sa mga oras na ito. Gusto ko mang tumulong sa ibang gawain para malibang man lang kahit paano ay natatakot din ako.

Minsan kasi ay sinubukan kong maglinis ng kwarto ng mga bata ngunit pinigilan naman ako nila Ate Aning. Hindi ko raw iyon trabaho kaya magpahinga na lang daw ako. Doon ko lang naisip na amo nga pala si Weldy sa bahay na ito kaya ibinibigay niya ang mga ganoong gawain sa kanilang mga kasambahay. Ayaw ko namang makahalata sila sa akin kaya sinunod ko na lang din sila at tumigil na ako sa paglilinis.

Lumaki akong maasikaso sa bahay-ampunan dahil iyon lang naman ang maibabalik ko kina Sister Martina kapalit ng pagpapalaki nila sa akin. Hindi ako sanay nang walang ginagawa. Maaga akong nagigising sa umaga para magluto at maglinis. Ako na rin ang nagpapaligo minsan sa mga bata lalo na sa mga hindi pa kayang asikasuhin ang sarili nila. Kaya malaki ang kaibahan ng aking nakasanayan sa bago kong pamumuhay ngayon.

Ngayon ay naririto lang ako sa kwarto at tinitingnan na naman ang mga larawan nina Weldy at Oliver pati na rin ng mga bata. Nakatitig lang ako sa larawan ni Weldy dahil hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung bakit kami magkamukha.

Wala talaga kaming pagkakaiba. Magmula sa hugis ng aming katawan, kulay ng balat at hugis ng mukha. Parehong-pareho rin ang aming mga mata, ilong at labi ganoon din sa paraan kung paano kami ngumiti. Kaya nga hindi ko masisi ang kanyang asawa at mga anak kung nabulag sila sa aking pagpapanggap.

“Sino ka ba? Bakit ba tayo magkamukha?” tanong ko sa kanya.

“Saka nasaan ka na ba? Bakit hindi ka pa nagpapakita?” tanong ko ulit sa kanya.

Hanggang ngayon ay tinatanong ko pa rin ang mga bagay na ’yan. Posible ba na may eksaktong pagkakahawig ang dalawang tao? Alam kong posible iyon, pero nangyayari lang iyon kung sila ay magkakambal.

Dahil sa huling naisip ko ay natigilan ako.

Posible kaya iyon? Posible kayang kakambal ko si Weldy? Posible kayang siya ang taong hinahanap ko rito sa Maynila? Siya kaya ang batang inampon ni Ms. Louisa Quirino?

Nang maisip ko ang mga bagay na iyon ay bumilis ang tibok ng puso ko. Naroon ang pag-asa na posibleng siya na nga ang taong hinahanap ko. Posibleng kapatid ko si Weldy.

Dahil sa reyalisasyon ay hindi ko naiwasang manginig ang buong katawan ko. Gusto kong makakuha ng impormasyon. Gusto kong alamin ang nasa likod ng katauhan ng Weldy na iyon.

Kumalma ako para mag-isip kung saan ko sisimulan ang pag-iimbestiga. Ilang minuto rin akong nakatulala hanggang sa maisip ko kung sino si Weldy bago ito naging asawa ni Oliver Santillan.

“Tama… Kahit ang apelyido lang niya noon bago pa siya nag-asawa…” bulong kong sagot sa aking sarili.

Mabilis at nanginginig ang aking kamay na muling binuklat ang photo album na nasa kamay ko. Doon ko naisip na may larawan dito na isang invitation card sa kanilang kasal ni Oliver.

Nang tuluyan kong makita ang picture ng invitation card na iyon ay mabilis din na nawala ang kabang nararamdaman ko.

“Weldimar Chua…” dismayadong pagbabasa ko sa invitation card na nasa larawan.

Tuluyan nang nawala ang hinala kong baka siya na nga ang batang inampon ni Ms. Louisa Quirino. Dahil kung siya nga ang kamag-anak na hinahanap ko, dapat ay Quirino rin ang apelyido nito. Pero mali, dahil Chua ang gamit niyang apelyido. Ibig lang nitong sabihin, hindi siya ang kamag-anak na hinahanap ko. Hindi siya ang batang kasama ko sa bahay-ampunan na siya ring kamag-anak ko.

Napahinga na lamang ako nang malalim. Akala ko ay masasagot na kahit paano ang katanungan ko, pero mukhang nasa simula pa rin ako ng paghahanap ko.

Sa halip na problemahin ko pang muli ang bagay na iyon ay ibinalik ko na lang ang aking sarili sa pagtingin sa mga litrato.

Nakuha ng aking atensyon ang larawang magkakasama sina Oliver, Weldy at ang dalawang anak nila, ang larawan ng buo nilang pamilya.

Hindi ko naiwasang mapangiti habang pinagmamasdan ang magandang larawan nila. Kitang-kita ko ang isang masayang pamilya na pinangarap kong maranasan.

Pero hindi lang iyon ang dahilan kung bakit ako napapangiti. Habang pinagmamasdan ko kasi ang kanilang larawan ay iniisip kong ako talaga ang kanilang kasama. Iniisip kong mayroon akong sariling pamilya. Nangangarap akong may kasama ako hanggang sa aking pagtanda. Hindi man mga magulang ang kasama ko sa larawang ito, mayroon naman akong mga anak na nagbibigay ngiti sa labi ko.

Habang nakatitig ako sa magandang larawang iyon na may masayang pamilya ay isang desisyon ang nabuo sa isip ko.

Ngayon ay desidido na ako. Nadagdagan na ang dahilan kung bakit gusto kong manatili sa bahay na ito. Hindi na lang dahil sa gusto kong kong makita ang hinahanap na kamag-anak ko. Ngayon, gusto ko nang maranasan ang matagal ko nang pinapangarap sa buhay ko.

Ilang sandali pa ay ibinalik ko ang aking tingin sa mukha ni Weldy na nasa larawan pa ring iyon. Hinawakan ko ang kanyang mukha at kinausap iyon.

“Weldy, sorry, ha? Sorry kung kailangan ko ’tong gawin. Kung nasaan ka man ngayon, sana mapatawad mo ako.” una kong pakikipag-usap sa kanya.

“Alam kong magiging makasarili ako. Pero sana, mapagbigyan mo ako…” sunod ko pang pakiusap sa malungkot kong tono.

Huminga ako nang malalim na animo’y kaharap ko talaga siya sa personal bago ako muling nagsalita.

“Weldy, pwede bang….

….pwede bang makahiram ng isang pamilya..?“ tanong ko sa kanya.

Kahit man lang sa kanyang larawan ay makahingi ako ng permiso sa kanya. Kahit hindi niya ako naririnig, gusto kong sabihin ang mga bagay na matagal ko nang hinihiling.

Nagpatuloy ako sa pagsasalita ngunit hindi ko na napigilan ang aking mga luha na pumatak.

“H-hindi ko sila aagawin, pangako… Hindi ko sila aangkinin dahil alam kong hindi sila akin… Ang gusto ko lang… ang gusto lang, ’yong maranasan kong magkaroon ng pamilya… Kahit panandalian lang… At kapag bumalik ka na, makakaasa ka, tahimik akong aalis… B-basta… basta maranasan ko lang na magkaroon ng sariling pamilya kahit pansamantala… ’Yon lang, Weldy… Gano’n lang naman kasimple ang gusto kong mangyari…” mahaba kong pakikipag-usap sa kanya sa pagitan ng aking mga pagluha.

Sana ay mapatawad ako ni Weldy. Sana ay mapatawad ako ng pamilyang ito. Iyon lang ang hiling ko sa oras na malaman nila ang totoo. Alam kong naging makasarili ako, pero gusto ko lang maranasan ang simpleng pangarap ko.

Nagtagal pa ako sa kwarto ng mga ilang oras. At sa loob ng ilang oras na iyon, mas lalo lang akong nagiging desidido lalo na tuwing naiisip kong kasama ko ang mga batang tulad nina Kryz at Marl. Naglalaro sa aking isip kung paano nila ako tinatawag na Papa at kung paano sila nagpapalambing sa akin. Pakiramdam ko talaga ay mga tunay na anak ko sila.

Lumabas lamang ako sa kwartong iyon nang makarinig ako ng mga pagkatok sa pinto. Tinatawag na ako ni Ate Loca dahil oras na raw para masundo ang mga bata. Nang marinig ko iyon ay parang sasabog ang dibdib ko sa saya. Makikita ko na kasi ulit sina Marl at Kryz. Mapapatawa na naman nila ako sa kanilang paglalambing at pangungulit.

Hindi na ako nagpasama kina Ate Aning sa pagkakataong ito dahil alam ko na ang daan patungo sa eskwelahan. Halos hindi na rin maputol ang ngiti ko dahil sa tuwa.

Nang makarating ako sa labas ng gate ng school ay binati akong muli ng lady guard. Itinuro niya rin sa akin ang lugar kung saan ko hihintayin ang mga bata. Napansin niya kasing nasa gate lang ako at naiinitan, iyon naman pala ay may malilim na lugar kung saan ko dapat abangan ang paglabas ng mga anak ko.

“Papa!!!”

“Papa!!!”

Halos madapa na sina Kryz at Marl dahil sa pagtakbo nang makita ako. Abot-langit ang kanilang mga ngiti ganoon din ako. Sinalubong nila ako ng yakap at halik na masuyo ko ring ibinalik.

“May stars ako, Papa! Look!” pagbabalita ni Marl habang ipinapakita sa akin ang isa niyang kamay.

“Wow! Ang galing naman ng bunso ko!” mangha ko namang sambit nang makita ang stars na tinutukoy niya.

Kasunod ng papuri kong iyon ay sumingit din si Kryz suot ang kanyang pagngisi.

“Akala mo ikaw lang, ha?” reaksyon nito sa ibinalita ng kanyang kapatid. “Look, Papa, oh?!” pakikipag-usap naman nito sa akin habang ipinapakita ang isang papel.

Kinuha ko iyon mula sa kanya at nasorpresa ako sa aking nakita.

“Wow! Ang galing din ni Ate Kryz! Perpek ang test!” mangha ko ring sambit dahil sa nakita kong score sa kanyang papel.

“I know, right?!” pagyayabang naman nito sa akin.

Grabe! Ang cute talaga nila!

Nagpatuloy pa kami sa pag-uusap at sinimulan na rin naming maglakad palabas. Marami silang kwento at nag-uunahan pa sila sa pagsasalita. Inaawat ko na lang sila paminsan-minsan bago pa sila magkapikunan. Masyado kasi silang nasasabik sa pagbabalita kung ano ang naganap sa kanilang pag-aaral.

Nasa kalagitnaan na kami ng paglalakad nang biglang may pumasok sa isip kong isang ideya. Huminto muna ako at lumuhod nang patalikod sa harap ng bunsong si Marl.

“Marl, gusto mo bang pumasan kay Papa?! Halika, dali!” masigla kong mungkahi sa kanya.

Ang inaasahan ko ay masaya siyang sasagot sa akin bilang pagpayag sa kagustuhan ko. Pero nasorpresa ako dahil bigla silang natahimik. Naging dahilan tuloy iyon para lingunin ko silang dalawa na nasa aking likuran. At nang masilayan ko sila ay gumuhit sa akin ang pagtataka. Suot kasi nila ang pag-aalala sa hindi ko malamang dahilan.

Marahil ay napansin ni Kryz ang aking reaksyon kaya bigla itong nagsalita.

“Papa, ’wag mo na pong buhatin si Marl. Kaya naman po naming maglakad, eh. Baka mapagod ka lang?” pag-aalala nito sa akin.

“Ha? Bakit naman ako mapapagod? Diyan lang naman ang bahay natin, eh! Baka nga hindi pa ako pagpawisan!” pakikipagtalo ko naman sa kanya.

Huminga si Kryz nang malalim bago ako sinagot ulit.

“Papa, just like Marl, may asthma ka rin. Sa ’yo nga niya nakuha ang sakit na ’yon kaya bawal ka ring mapagod kagaya niya.” pagpapaintindi nito.

Natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Ngayon ko napag-isip-isip na kaya siguro hindi ako hinahayaan nina Ate Aning na tumulong sa mga gawaing-bahay ay dahil sa pag-aakalang ako ay may hika. Pero dahil hindi naman talaga ako si Weldy, alam kong malayong hikain ako. Malusog ako simula pa pagkabata at bihira akong dapuan ng sakit.

Ngumiti ako sa mga bata bago ako muling nagsalita.

“Hindi naman siguro ako susumpungin ng hika ko? Isa pa, hindi naman nakakapagod ang paglalakad ng ilang metro? At kung hihingalin ako, sasabihin ko na lang sa inyo at ibababa ko na rin si Marl.” pagkumbinsi ko sa kanila. “Kaya sige na, pumasan ka na, Marl. Tapos bukas naman, si Ate Kryz naman ang ipapasan ko.” dugtong ko pa.

Gusto kong gawin ito. Isa ito sa mga pinangarap ko, ang ipasan ako ng magiging tatay ko. Pero dahil mga anak ang ipinagkaloob sa akin bilang aking magiging pamilya, sa kanila ko na lang ito gagawin.

Siguro ay nag-aalangan pa rin sila dahil wala silang kakilos-kilos, kaya sa halip na hintayin pa ang kanilang sagot ay agad ko na ring kinuha ang mga kamay ni Marl para ipalibot sa leeg ko.

“Ayan! Ang gaan naman pala ng bunso ko, eh! Paano mapapagod nito si Papa?! Pwede pa nga pumasan si Ate Kryz!” pagyayabang ko sa kanila matapos kong tumayo habang sakay si Marl sa aking likod.

Mukhang nakumbinsi ko naman ang dalawang bata dahil pareho silang natawa. Nagpatuloy na kami sa paglalakad at bumalik na ang sigla ng mga bata. Kumakanta pa si Kryz at hindi ko naiwasang mamangha sa ganda ng boses niya. Paulit-ulit ko siyang pinuri habang si Marl naman ay pinalakpakan ang kanyang Ate.

Nang makarating kami sa bahay ay hindi pa rin napuputol ang masaya naming kwentuhan. Ngunit napatigil kami nang makalapit na kami sa bandang pinto dahil sa narinig naming pagsigaw.

“Bakit n’yo pinabayaan?!! Ano bang bilin ko sa inyo?!! Kayo ang magbantay at hindi n’yo iaasa sa ibang tao, ’di ba?!! Dahil trabaho n’yo ’yon!!” sigaw nito.

“Daddy?” sambit ni Kryz sa aking tabi.

Tama si Kryz, boses nga iyon ni Oliver. Maaga pala siyang nakauwi. Pero bakit para siyang galit?

Ibinaba ko si Marl mula sa aking likod at magkakahawak pa rin ang aming mga kamay na pumasok sa loob ng bahay. Naabutan namin na magkatabi sina Ate Loca at Ate Aning na parehong nakayuko habang nasa tapat naman nila si Oliver na mababakasan ng galit sa mga oras na ito.

“Oliver? Pinapagalitan mo ba si––” tangka ko sanang pagtatanong ngunit hindi ko naituloy.

“Sinong nagsabi na lalabas ka ng bahay, Weldy?!! At sinong nag-utos sa ’yo na sunduin ang mga bata sa school?!!” galit na galit nitong tanong sa akin.

Bahagya akong napaatras dahil sa pagkagulat. Hindi ko rin naiwasang mapalunok dahil bigla akong nakaramdam ng takot. Nanlilisik ang mga mata ni Oliver na tinitingnan ako. Ngayon ko lang nakita ang ganitong reaksyon mula sa kanya kaya wala akong magawa kundi ang matulala.

Gusto ko mang alamin kung bakit niya ako pinagbabawalan ay hindi ko na magawa. Lalo pa akong nataranta dahil nagsimula na ring umiyak si Marl sa aking tabi dala ng takot sa ipinakita ng kanyang ama.

Mabilis akong lumuhod para yakapin si Marl. Natatakot akong baka atakihin na naman ito ng hika.

“Tahan na, anak… Tahan na…” pakiusap ko kay Marl habang hinahaplos ang likod niya.

Nasa ganoon kaming tagpo nang marinig ko ang pagtatanong ni Kryz sa madiin niyang tono.

“Bakit, Daddy? Bawal po ba kaming ihatid at sunduin ni Papa?” tanong nito kay Oliver.

Huminga nang malalim si Oliver at napansin kong pilit niyang kinakalma ang kanyang sarili.

“Kryz, pumasok muna kayo sa kwarto ni Marl. Mag-uusap lang kami ng Papa mo.” nagtitimpi nitong utos sa kanyang panganay.

“No, Daddy. Answer me first.” mas madiing pakikipagtalo ni Kryz. “May masama po ba sa ginawa ni Papa? Gano’n din naman po ang ginagawa ng parents ng mga schoolmate namin ni Marl, ah? Sinusundo sila ng parents nila. Bakit hindi pwede si Papa?” tanong nito sa kanyang ama.

Hindi nakaimik si Oliver sa mga tanong na iyon ng kanyang panganay. Hindi ko naman naiwasang humanga kay Kryz dahil parang matanda na siya kung magsalita.

Nagpatuloy si Kryz sa pagsasalita ngunit nasundan na rin iyon ng kanyang pag-iyak.

“Mabuti pa nga si Papa naisip na sunduin kami, eh… Samantalang ikaw, mas inuuna mo pa ang ibang tao… Lagi mong sinasabi na kailangan ka ng mga pasyente mo.. Kami po..? Naisip mo bang kailangan ka rin namin..? Mas mahalaga pa ang ibang tao sa ’yo kesa sa mga sariling anak mo…” sumbat pa nito at mabilis na tumakbo para magtungo sa ikalawang palapag kung nasaan ang kanilang kwarto.

Dahil sa nangyari ay naiwan kaming lahat na walang imik. Tanging mga paghikbi na lang ni Marl ang aming naririnig. At kabit paano, mukhang nagagawa ko naman siyang mapakalma dahil sa paulit-ulit kong paghalik at paghaplos sa kanya.

Ilang sandali pa ay inutusan ni Oliver sina Ate Aning at Ate Loca na dalhin muna si Marl sa kwarto kung nasaan si Kryz. Ayaw pa sanang bumitiw sa akin ni Marl ngunit nangako na lamang akong susunod sa kanya kaya napapayag ko rin siya.

Naiwan kami ni Oliver sa aming pwesto at wala sa amin ang nagsimulang magsalita. Nakakaramdam pa rin ako ng kaba lalo na at hindi ko pa siya lubusang kilala.

Kahit na ganito ang nangyayari ay hindi ko pa rin naiwasan ang mag-isip ng kung ano-ano.

Normal na kaya ang away na ganito sa kanilang pamilya? Mapanakit kaya si Oliver at sinasaktan niya kaya noon si Weldy? Paano kung bigla na lang niya akong suntukin? Papalag ba ako? Lumalaban kaya si Weldy tuwing sasaktan siya ng asawa niya?

Nasa ganoon akong pag-iisip nang biglang magsalita si Oliver.

“Weldy––”

“Sige, subukan mo! Hindi talaga ako magdadalawang-isip na patulan ka kahit malaki ’yang katawan mo!” pagbabanta ko sa kanya habang nakamwestra pa ang dalawa kong kamay na animo’y isa akong karate kid na dumedepensa.

Natigilan si Oliver dahil sa aking ipinapakita. Gumuhit din sa kanyang mukha ang labis na pagtataka.

Ilang segundo pa kaming walang kagalaw-galaw hanggang sa bigla siyang matawa.

Hala? May sayad si Doc? Tumatawa na lang bigla?

“Ano ba naman ’yang hitsura mo, Weldy?! Kakausapin lang kita! Hindi naman kita sasaktan! At hindi ko pa naranasang manakit ng tao! Remember?! Doctor ang propresyon ko! Tungkulin kong magligtas ng buhay ng tao!” natatawa niyang pagsaway sa akin.

Doon ko lang napag-isip-isip ang kanyang sinabi. Hindi ko naiwasang makaramdam ng hiya lalo na at katawa-tawa ang aking hitsura. Mukha akong tanga. Masyado kasi akong nadala sa aking mga iniisip tungkol sa kanya na mali naman pala.

Umayos ako ng pagkakatayo na animo’y walang nangyari.

“Problema mo? Bakit bigla ka na lang naninigaw diyan?” kaswal at agad kong tanong sa kanya.

Pambihira! Heto na naman ako! Hindi ko na naman naiwasang ipakita ang totoong ako! Nawawala sa isip kong nagpapanggap nga pala akong Weldy na kanyang asawa!

Siguro ay pareho rin kami ni Weldy ng kilos dahil parang hindi naman napansin ni Oliver ang paraan ng pagtatanong ko sa kanya. Medyo siga at mayabang nga kasi ang aking dating.

Inilagay ni Oliver ang dalawa niyang kamay sa kanyang bulsa. Kasunod nito ay itinigil niya ang kanyang pagtawa at tiningnan ako sa mga mata.

Hindi ko naman naiwasang mapatitig din sa kanya. Maliwanag kasi rito sa aming pwesto at napansin kong maganda ang kulay ng kanyang mga mata. Kulay abo ito na talagang kakaiba. Mukha talagang may lahi siyang banyaga.

“I’m sorry…” puno ng senseridad niyang panimula matapos ang malalim na buntong-hininga.

Hindi ako nakatugon sa sinabi niyang iyon. Ramdam kong pinagsisisihan niya rin ang nangyari.

“Nag-alala lang naman ako sa inyo ng mga bata lalo na sa ’yo. Kagagaling mo lang sa isang aksidente kaya hindi ko naiwasang magalit noong nalaman kong nag-iisa kang nagsundo sa mga bata.” sunod na paliwanag niya.

“Oh, tapos?” mayabang kong pagtatanong.

’Pambihira ka, France! Ikaw si Weldy, okay?! Umayos ka! Pigilan mo muna ‘yang bibig mo kung ayaw mong makahalata siya!’

Pinapagalitan ko na ang aking sarili sa aking isip.

“Nagi-guilty ako dahil sa sinabi ni Kryz. Tama naman siya, wala akong oras para magsundo sa kanila at inaasa ko lang ’yon kina Ate Aning.” malungkot niyang paliwanag.

Hindi na ako sumagot, napapaisip na kasi ako sa sinabi niyang ’ guilty ’. May natutunan na naman akong bagong ingles.

“Kaya nga I’m sorry… Sorry dahil parang nagkukulang na ako sa inyo. Kakausapin ko na lang din ang mga bata para humingi ng tawad sa kanila. Hindi ko naman sinasadyang sigawan ka lalo na sa harap nila. Masyado lang talaga akong nag-alala.” huling bahagi ng paghingi niya ng tawad.

Naiintindihan ko naman siya. Pamilya niya ang usapin kaya ganoon na lang ang naging reaksyon niya.

Huminga na lamang ako nang malalim na nasundan ng ngiti ko.

“Mag-sorry ka rin kina Ate Aning at Ate Loca. Kung hindi pa siguro kami dumating ng mga bata, baka naaning at naloka na rin sila? Kakausapin ko na lang ang mga bata para ipaintindi ang nangyari.” utos at pakikipagkasundo ko na lang sa kanya.

Matapos kong sabihin iyon ay agad na rin akong humakbang para puntahan ang kwarto ng mga bata. Kailangan ko na silang makausap bago pa lumala ang lahat.

Lalampasan ko na sana ang pwesto ni Oliver kung saan ito nanatiling nakatayo, pero napatigil din ako dahil marahan niyang hinawakan ang aking braso.

Nilingon ko siya habang nakakunot ang aking noo. Ngayon ko lang siya natabihan nang ganito kalapit at napansin kong malaki talaga siyang tao dahil napatingala ako para lang magtagpo ang mata naming pareho.

“Bakit na naman?” medyo maangas kong tanong sa kanya.

Hindi muna siya agad na sumagot, ipinamalas niya muna ang kanyang magandang ngiti. Sa hindi ko malamang dahilan ay bigla na naman akong kinabahan.

“Balita ko, ikaw ang nagluto ng baon ng mga bata kanina?” tanong nitong nakangiti at medyo malambing.

Napalunok muna ako bago sumagot.

“O-oh? E, a-ano ngayon..?” nauutal kong tanong pabalik sa kanya.

Pambihira! Bakit ba ako kinakabahan?!

Akala ko ay hanggang doon na lang, pero parang sasabog na ang dibdib ko nang lalo niyang ilapit ang kanyang mukha sa akin hanggang sa ilang pulgada na lang ang distansya namin.

“Nami-miss ko na kasi ang luto mo… Kaya gusto ko sana, ipagluto mo rin ako ng dinner mamaya…” halos ibulong na niya iyon sa akin dahil sa sobrang lapit ng aming mga mukha.

Nanlaki ang mga mata ko at pakiramdam ko ay umakyat ang lahat ng aking dugo patungo sa mukha ko. Agad akong umatras at sapilitang tinanggal ang kamay niyang nasa braso ko. Kasunod nito ay kumaripas ako ng takbo.

“S-sige! K-kakausapin ko muna ang mga bata!” pasigaw at nauutal kong sagot habang tumatakbo palayo sa kanyang pwesto.

Hindi ko na narinig ang kanyang pagsasalita. Bahala na kung naguluhan siya sa aking ipinakita. Wala na rin akong balak na lingunin siyang muli dahil alam kong pulang-pula na ngayon ang aking mukha.

Hindi ko maintindihan, bakit ba kinabahan ako?! Napakasimpleng bagay lang ang nangyari, pero bakit ganito ang nararamdaman ko?!

Habang tumatakbo ay nagbalik sa isip ko ang senaryo kanina habang magkalapit ang aming mukha. At habang nasa isip ko iyon, hindi ko naiwasang bumulong.

“Iiiiihhhh!!! Kinikilabutan ako!!” sigaw kong pabulong habang nanginginig ang aking katawan na animo’y naiihi ako.


A/N

Mixed emotions ba ang chapter na ito? Hahahaha! Mixed emotion din ako habang nagsusulat, eh!

Para po kay

kryz_09

ang chapter na ito! Salamat sa pagpapagamit ng pangalan mo!

Salamat po sa mga nagbabasa, nagbibigay ng votes at comments! Labyu, guys!

Sana po ay nag-e-enjoy kayo! Marami pang ganap at may mga karakter pa akong ipapakilala sa inyo sa mga susunod na tagpo!

Hanggang sa muli!

–– cold_deee ❤

01.29.2018

Chapter 4

© to Jervy Hou for the music played in the media.

(A Breathtaking Piano Piece)


FRANCE POV

Hindi ko mapigilang mapangiti habang pinagmamasdan ang maamong mukha ng aking mga itinuturing na anak habang sila ay nahihimbing. Naririto sila sa aking tabi at katatapos ko lamang silang patulugin.

Dito kami sa mismong playroom nila kung tawagin ay dito ko na rin sila pinatulog. Wala silang pasok ngayon sa eskwela kaya wala rin kaming ginawa buong umaga hanggang sa sumapit ang tanghali kundi ang maglaro. Naging pahinga na nga lang namin ang aming pagkain.

Tuwing naririto sila, nawawala ang pakiramdam ko ng pangungulila. Saglit kong nakakalimutan ang aking mga problema. Nawawala sa isip kong hindi ko sila kaano-ano dahil parang pamilya ko talaga sila.

Ito ang pangarap ko noon, ang nasa isang bahay ako kasama ang aking pamilya at namumuhay kaming masaya. Iba man ito sa hinangad ko na may mga magulang na makakasama, masaya pa rin ako dahil ramdam ko ang pagmamahal mula sa kanila.

“Good night.” sambit ko at hinalikan ang kanilang noo.

Good night na lang sinabi ko dahil hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin kung sila ay natutulog sa hapon. Tuwing gabi kasi bago sila matulog ay iyon ang kanilang sinasabi sa akin.

Nakasanayan ko na rin na ako ang nagpapatulog sa kanila tuwing gabi dahil wala naman dito madalas ang kanilang ama para gawin iyon. Tulad ng sinabi ni Oliver, madalas nga talaga siyang wala rito sa bahay dahil sa kanyang trabaho. At kung uuwi man siya rito ng gabi, doon naman siya natutulog sa kwarto ng mga bata kaya naiiwan ako sa kwarto kung saan sila noon natutulog ng asawa niyang si Weldy.

Nakakaramdam ako ng hiya dahil pamamahay niya ito. Dapat ay doon siya natutulog sa sarili niyang kwarto. Pero kung pipigilan ko naman siya, baka makahalata siya. Iniisip ko rin na baka ’pag katabi na niya ako sa kama, mapansin niya ang kaibahan namin ng kanyang tunay na asawa.

Isa pa, hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung paano nagtatabi ang parehong lalaki na mag-asawa? May ginagawa rin kaya silang milagro tulad ng mag-asawang babae at lalaki? Naghahalikan? Naghahaplusan? Gumagawa rin kaya sila ng bata? Kung nangyayari nga iyon, paano nila ginagawa iyon?

Napailing ako nang maisip ko ang huling bahagi ng katanungan ko.

“Iihhh! Kinikilabutan na naman ako!” sambit kong mahina kasabay ng panginginig ng buo kong katawan na animo’y naiihi ako.

Hindi naman ako ignorante sa paksang iyon dahil kahit paano ay nakatungtong naman ako ng high school. May mga kaklase ako noong pilyo at napag-uusapan nila kung paano nabubuo ang isang bata. Hindi ako noon komportable sa ganoong usapin kaya tanging pakikinig lang ang nagagawa ko at hindi ako nakikisali.

Sa halip na hanapan ko pa ng kasagutan ang bagay na iyon ay pinili ko na lamang umahon mula sa pagkakahiga. Pilit kong iwinaksi sa aking isip ang bagay na nagpapagulo sa mura kong isip. Iniwan kong nahihimbing pa rin ang mga bata sa sahig na may sapin namang gawa sa goma. Ewan ko kung anong tawag dito. Sa bahay ampunan kasi ay banig lang ang gamit namin.

Sinimulan kong iligpit ang mga laruan na ginamit namin ng mga bata kanina. Hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot habang iniisa-isang ilagay sa tamang lagayan ang laruan ng mga bata. Napakagaganda kasi ng mga ito, ibang-iba sa mga laruang nasa bahay-ampunan. Doon kasi ay kakaunti lang ang mga laruan na natatanggap lang namin tuwing may darating na donasyon. Mula sa mayayamang tao o kaya naman ay sa mga politiko. Napakarami ng mga naririto para sa dalawang bata, samantalang sa bahay-ampunan ay naghihiraman lang sila at kung minsan nga ay umaabot pa sa pag-aagawan.

Matapos kong iligpit ang mga laruan ay nakuha ng aking atensyon ang isang piano na nasa isang sulok. Kanina ko pa ito nakita ngunit hindi ko magawang usisain sa mga bata dahil baka makahalata sila sa aking pagpapanggap.

Dahan-dahan ay humakbang ako roon at hinaplos ang kaha nito. Matagal-tagal na rin simula noong huli akong tumugtog ng piano. Ang natatandaan ko, tinugtugan ko ang mga batang nasa bahay-ampunan noong huling araw na mananatili ako roon. Wala silang ideya na aalis ako ngunit tumugtog ako dahil parte na rin iyon ng pamamaalam ko.

Saglit kong nilingon ang kinaroroon ng itinuturing kong mga anak.

“Hindi naman siguro sila magigising kung tutugtog ako?” bulong kong tanong sa aking sarili.

Ilang minuto rin akong nag-isip hanggang sa makita ko na lamang ang aking sarili na binubuksan ang kaha ng piano at nakapatong na sa piyesa ang mga daliri ko. Nakaupo na ako at nakaharap sa piano.

(A/N: Paki-play po ang nasa media, iyan po ang tinugtog ni France sa piano.)

Sinimulan kong tugtugin ang piano nang marahan. Siniguro kong hindi masakit sa tenga ang aking tutugtugin para hindi magising ang mga bata.

Ang sarap sa pakiramdam na muli akong nakahawak ng piano. Hindi ko alam kung talento ko bang matatawag ito, pero ito lang din ang alam kong gawin bukod sa mga gawaing-bahay at pag-aalaga ng mga bata.

Ganitong-ganito ang ginagawa ko noon sa bahay-ampunan tuwing hapon. Tumutugtog ako para makatulog ang mga bata. Ito ang ginagawa kong paraan para mabigyan ng ngiti ang bawat isa sa kanila. Kung minsan naman ay ako ang tumutugtog tuwing may mahalagang okasyon sa bahay-ampunan. Sakaling may mga bisita kami roon tulad ng politiko o mga mag-aampon ng bata, ako ang tinatawag nina Sister Martina upang magbigay ng isang munting palabas.

Kusa ko itong inaral at hindi ako dumaan sa piano lesson tulad ng iba. Sa tuwing may naririnig akong magandang awitin, pinapakinggan ko iyon nang mabuti at inaaral sa piano.

Sa bawat pagtipa ko sa keyboard ay halo-halo ang nagiging emosyon ko. Nalulungkot ako dahil nakikita ko sa aking isip ang senaryo noon kung paano kami naglalaro ng mga bata sa bahay-ampunan, pero nakakaramdam din ako ng tuwa dahil may naituturing na akong pamilya ngayon.

Sa sobrang pagkaaliw ko sa pagtugtog ng piano, hindi ko namalayan na napapapikit na rin ako. Nagpatuloy pa ako hanggang sa matapos ang isang piyesa na aking tinutugtog.

Hindi ko alam kung ilang minuto ko iyon ginawa, ngunit nang matapos ako ay nakarinig na lamang ako mula sa aking likod ng mga pagpalakpak.

“Ang galing mo talaga, Papa!”

“Hindi pa rin po kayo nagbabago! Magaling pa rin po kayong mag-play ng piano!”

Nanigas ang buong katawan ko. Kasunod nito ay nilingon ko ang lugar kung saan ko iniwang nahihimbing ang mga bata sa kanilang pwesto.

Nanlaki ang aking mga mata dahil natagpuan ko sila na nakaupo na sa sahig at pinapanood pala ako. Mukhang nagising ko sila sa pagtugtog ng piano. Hindi lang iyon, dahil maging sina Ate Aning at Ate Loca ay naroon na rin sa pinto at pinapalakpakan din ako.

“Umakyat kami, Kuya Weldy, kasi narinig namin ang pagtugtog mo!” tuwang-tuwang pagbabalita ni Ate Aning habang pumapalakpak pa rin.

“Ang tagal din naming hindi narinig ang pagtugtog mo, Kuya! Mahusay ka pa rin! Parang mas mahusay ka nga ngayon kung kailan nagka-amnesia ka, eh!” papuri naman ni Ate Loca.

Hindi ako nakagalaw, hindi rin ako nakapagsalita. Hindi ko alam ang dapat sabihin dahil nahuli nila ang pagtugtog ko. Iniisip ko na ngayon kung mahahalata na ba nila ang pagpapanggap ko.

Dahan-dahang tumayo ang dalawang bata mula sa sahig. Kasunod nito ay nagtungo sila sa aking pwesto at niyakap ako.

“Papa, ang sarap pakinggan ng tinugtog mo! Na-miss ko ang ginagawa mo noon tuwing pinapatulog mo kami ni Marl sa hapon! Tinugtugtugan mo kami ng piano!” masayang pagbabalita sa akin ni Kryz.

Dahil sa aking narinig ay bahagya akong nakahinga nang maluwag. Ngumiti na lamang ako nang tipid ngunit hindi pa rin ako nakapagsalita. Para rin akong nabunutan ng malaking tinik sa dibdib nang malaman ko ang detalyeng iyon tungkol kay Weldy.

Kung gano’n, pareho pala kaming marunong tumugtog ng piano?

Kung sabagay, mabuti na rin iyon. Dahil kung hindi, malalaman nilang hindi ako ang tunay nilang Papa.

“Papa, bukas ulit, ha? Tugtugan mo ulit kami ng piano bago kami matulog sa hapon? Gawin mo ulit ang ginagawa mo dati!” pakiusap naman ni Marl habang nakayakap sa bewang ko.

Nang marinig ko iyon ay mabilis nang gumuhit ang malapad na ngiti ko. Niyakap ko silang dalawa at pinanggigilan sila.

“Mmmm!! Oo ba! Basta siguraduhin n’yo lang na matutulog kayo, ha? Hindi ’yong basta lang kayo manonood at makikinig sa akin?” paniniguro ko sa kanila.

Tumango-tango naman sila bilang pagsagot sa akin.

Ang cute talaga nila, magulo pa ang kanilang buhok dahil sa pagtulog nila.

“Ang mga anak ko, parang afwang! Ang gulo ng mga buhok!” pagbibiro ko sa kanila.

“Afwang?” sabay nilang tanong dahil sa pagtataka.

“Mmm-mmm! Afwang! Sosyal na tawag sa mga aswang!” sagot kong tumatango.

Nang marinig nila iyon ay pareho silang napanguso. Natawa tuloy kami ng mga kasambahay dahil sa naging reaksyon ng mga bata na tila nagtatampo.

“Joke lang!! Ang ganda kaya ng panganay ko! Tapos ang pogi ng bunso ko!” mabilis kong pagbawi at hinalik-halikan ko ang kanilang pisngi.

“Eehh!! Papa, nakikiliti ako!”

“Tama na, Papa!! Nakikiliti rin ako!!”

Pareho silang nagrereklamo dahil hindi ko tinitigilan ang paghalik sa kanilang mga leeg at pisngi.

Tawa nang tawa ang dalawang kasambahay dahil sa nasasaksihan sa amin. Pati sila ay natutuwa dahil sa pagtawa ng mga bata.

“Alam mo, Kuya Weldy, na-miss din namin kayong pinapanood nang ganyan! Mabuti na lang pala at nagising ka na! Ayan, masayang-masaya na ang dalawang bulinggit!” wika ni Ate Loca.

“Hindi lang ’yon! Napansin namin na simula nang magising ka, mas masigla ka na ngayon! Nagagawa mo nang makipaghabulan sa mga bata!” segunda naman ni Ate Aning.

Dahil sa aking narinig ay natigilan ako sa ginagawa kong paghalik kina Marl at Kryz. Nakaramdam ako ng kaba sa sinabi ni Ate Aning na naging pagbabago ko raw. Naging dahilan din iyon para mabawasan ang ngiti ko dahil nagbalik ang pag-aalala ko.

“B-bakit? Hindi ko ba sa kanila ginagawa iyon noon? Hindi ba ako nakikipaghabulan sa kanila?” nauutal kong pagtatanong sa kanila.

Si Ate Aning ang sumagot sa katanungan kong iyon.

“Hindi. Kasi nga may hika ka, ’di ba? Bawal sa ’yo ang mapagod. Kaya nga ang nagagawa mo lang noon, panoorin silang dalawa na naglalaro. Nakikitawa ka lang. Nakikinood. Ganern!” sagot nito.

Oo nga pala, isa pa ang bagay na iyon. Kailangan ay lagi kong isipin na may hika si Weldy kaya dapat ay maghinay-hinay ako sa mga ikinikilos ko. Baka kung magpapatuloy ako sa pagiging masigla ay mahalata nilang hindi talaga ako ang kanilang amo.

Nagbitiw ako ng tipid na ngiti sa kanila para hindi nila mapansin ang aking pagkabahala.

“Ewan ko ba! Pakiramdam ko nga, wala akong sakit simula nang magising ako!” pagsisinungaling ko. “Saka ang sarap kayang makipaglaro sa mga anak ko! ’Di ba?! ’Di ba?!” pakikipag-usap ko naman sa dalawang bata at muli ko silang pinaliguan ng halik.

Narinig ko na naman ang masaganang pagtawa ng mga bata kaya mas lalo akong ginanahan sa aking paglalambing.

Kahit sa paraang ito ay nababawasan ang lungkot ko. Saglit kong nakakalimutan ang pangungulila sa mga batang inalagaan ko.

Naputol ang aming paglalaro ng mga bata nang may marinig kaming mga pagtawag mula sa pinto.

“Kryz! Marl!”

Natigilan kami at mabilis na nilingon ang pinanggalingan ng boses na iyon.

“Daddy!!” sabay na pagtawag ng mga bata sa ama nilang bagong dating. Kasunod nito ay nilapitan nila ito para salubungin. Ako naman ay nanatili sa aking pwesto na walang kagalaw-galaw.

Hindi ko maiwasang mapangiti habang pinagmamasdan si Oliver na mahigpit at paulit-ulit na hinahalikan ang kanyang mga anak.

“Sana lahat…” naibulong ko sa aking sarili. Hinihiling na sana, lahat ng ama ay tulad ni Oliver na naipapakita ang pagmamahal sa mga anak niya. Hindi maputol ang kanyang ngiti. Mukhang miss na miss niya ang mga bata dahil madalas nga siya ritong wala.

“May pasalubong ang Daddy!” masaya nitong pakikipag-usap pa rin sa dalawang bata habang bahagyang nakaupo.

“Yehey!!” masayang reaksyon naman nina Marl at Kryz habang nakataas pa ang kanilang mga kamay.

Matapos iyon ay nilingon ni Oliver sina Ate Aning at Ate Loca mula sa kanyang likod.

“Pakikuha n’yo naman ang mga gamit ko sa kotse. Pakihanda na rin ng pasalubong ko sa kanila. Doon na lang kami sa lanai kakain.” nakangiti niyang utos sa mga kasambahay.

Tumango naman sina Ate Aning, kasunod nito ay umalis na rin sila sa dati nilang pwesto para gawin ang utos ng kanilang amo.

“Daddy, hindi mo ba babatiin si Papa?” biglang tanong ni Kryz kay Oliver.

Nanlaki ang mga mata ko dahil sa aking narinig. Hindi ko maintindihan sa aking sarili, pero bigla kong naramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko.

Pambihira! Napakaliit na bagay pero bigla akong kinabahan?! Ano ba naman ’to, France?!

Mula sa pwesto nilang tatlo ay sabay-sabay nila akong nilingon habang malawak ang kanilang pagkakangiti.

“Hi, Weldy! I’m home.” matamis ang ngiti ni Oliver na pagbati sa akin.

Napalunok ako dahil pakiramdam ko ay may bumara sa lalamunan ko.

“A-ahm…” hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin dahil sa pagkataranta ko. “G-good night!!” iyon na lamang ang naisip kong isagot bilang pagbati pabalik.

Ayan na! Bakit ba ako natataranta?!

Nasaksihan ko kung paano silang lahat natawa dahil sa aking sinabi.

“Si Papa talaga! Ang galing na ngayong mag-joke!” natatawang reaksyon ni Kryz.

Mukhang mali ang nasabi ko, ah? Ano ba dapat?

Nasa kalaliman ako ng aking pag-iisip nang magsalita naman ang bunsong si Marl.

“Papa, dapat kagaya pa rin po ng dati ang sinasabi n’yo kay Daddy ’pag dumadating siya!” natatawa niyang sambit.

Nangunot naman ang noo ko dahil sa pagtataka. Siyempre hindi ko alam kung ano iyon dahil hindi naman ako si Weldy.

“Ano bang sinasabi ko dati ’pag dumadating ang Daddy n’yo?” tanong ko agad sa kanila.

Kailangan kong alamin iyon para sa susunod ay alam ko na ang dapat sabihin at gawin. Isa iyon sa paraan para mas maging epektibo ang pagpapanggap ko, ang alamin ang mga nakasanayan ni Weldy noong siya pa ang naririto.

Sa pagkakataong ito ay si Kryz na ang sumagot sa katanungan ko.

“Papa, tuwing darating si Daddy, sasabihin mong, ‘Welcome home, Daddy!’ . Gano’n po!” pagbibigay nito ng impormasyon.

“’Yon lang ba?” tanong ko pa ulit.

Napakadali naman pala! Sisiw lang!

“Tapos po iki-kiss mo po siya sa lips!” mabilis ding sagot ni Marl.

Wala akong kinakain o iniinom sa mga oras na ito, pero bigla akong napaubo. Pakiramdam ko ay nakainom ako ng tubig na isang litro.

Agad namang tumakbo ang mga bata patungo sa akin habang suot ang nag-aalala nilang ekspresyon.

“Papa… Are you okay..?” tanong ni Kryz habang hinahaplos ang likod ko.

“Anong nangyari, Papa?” tanong naman ni Marl.

Inubos ko muna ang aking ubo na ang sanhi ay pagkasorpresa ko. Mukhang kahit wala akong hika ay magkakaroon ako nito dahil sa nadiskubre ko.

“A-ah… Okay na ako, mga anak! Akala ko hihikain na ako! May nalunok lang yata akong alikabok?!” pagpapalusot ko matapos kumalma mula sa aking pag-ubo.

Tumango naman silang dalawa ngunit suot pa rin nila ang pag-aalala.

Habang nasa ganoon kaming tagpo ay nakita ko ang dahan-dahang paglapit ni Oliver sa aming pwesto. Sinubukan ko siyang tingnan at nakita kong medyo natatawa ito. Pero nang magtagpo ang aming mga mata ay umiwas din agad ako.

“Kids, okay lang ang Papa n’yo. ’Wag kayong mag-worry,” pagkausap niya sa kanyang mga anak. “C’mon! Bumaba na tayo para makain na ninyo ang pasalubong ko!” dugtong pa nitong pagyaya.

Juskopo! Mabuti naman! Akala ko ay magtatagal pa sila rito! Baka kung itinuloy pa nila ang sasabihin nila, hindi na lang ako basta mapaubo! Baka mangisay na lang ako rito habang bumubula ang bibig ko!

Pero kung iisipin, dapat ba talagang may halik?! Kailangan ko ba talagang gawin iyon para lang mapanindigan ang pagpapanggap kong Weldy?!

Pero hindi ko kaya! Kinikilabutan ako kahit iniisip ko pa lang ’yon!

“Sige na, kids, pumunta na kayo sa lanai. I’m sure nakahanda na ang pagkain doon. Susunod na lang kami ng Papa n’yo.” biglang pagsasalita ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

Nagbalik naman ang pagiging masigla ng mga bata. Hindi na sila muli pang nagsalita dahil mabilis din silang tumakbo palabas nitong kwarto.

Hala??? Naiwan na kami ni Oliver!!

Mas lalo na akong kinabahan sa pagkakataong ito. Napayuko na lang ako dahil naging malikot na rin ang mga mata ko. Iniwasan kong tingnan si Oliver dahil baka mapansin niya ang pagiging balisa ko.

“Weldy—”

“W-welcome home, Oliver! Tara na! Sundan na natin ang mga bata!” mabilis kong pagputol sa kanya at pagyaya.

Matapos kong sabihin ang bagay na iyon ay agad na rin akong tumayo mula sa pagkakaupo at tinumbok ang pinto. Kailangan kong makaiwas sa kanya dahil hindi ko kaya! Pakiramdam ko ay hindi ako makakahinga kapag naiwan kaming dalawa at walang kasama!

Makakalabas na sana ako, pero bago pa ako tuluyang makatakas ay napatigil din ako at muli ko siyang nilingon.

“Teka, ano nga pala ang lanai? Saan ’yon?” tanong ko kay Oliver.

Nasaksihan ko kung paano mula sa pagtataka ay muli siyang natawa.

“Sa bandang likod nitong bahay malapit sa pool.” sagot niyang natatawa habang napapailing pa.

Hindi na ako naghintay pa sa mga sasabihin niya, agad kong ipinagpatuloy ang pagtakbo palabas ng pinto para makaiwas sa paningin niya.

“Kalma lang, France! Kinikilabutan ka na naman!” bulong kong pagsaway sa aking sarili habang tumatakbo pababa ng hagdan.

Dito pa lang sa sala ay nakikita ko na ang sinasabi niyang lanai. Nakita ko na roon ang mga bata ganoon din ang dalawang kasambahay.

Malapit na sana akong makarating doon ay muli akong napahinto. Hindi ako tumuloy sa paglabas dahil mas pinili kong magpunta muna sa banyo dahil pakiramdam ko ay naiihi ako.

Nakarating ako ng banyo at sinubukan kong umihi. Pero makalipas lang ang ilang minuto ay muli rin akong lumabas doon suot ang naiinis kong ekspresyon.

“Bakit walang lumabas?! Nanginginig ako pero walang lumalabas!!” bulong kong pagtatanong na naman sa aking sarili.

Nagtataka na talaga ako. Tuwing kausap ko si Oliver at tuwing siya ang nasa isip ko, hindi ko naiiwasan ang panginginig ng buong katawan ko. Hindi lang iyon, napapansin ko ring nag-iinit ang mukha ko.

“Iiihhh!! Ayan na naman!!” bulong ko na naman dahil nanginig ulit ang aking katawan.

Pambihira! May sumpa yata ang lalaking ’yon?! O, baka naman marunong siyang mangkulam? Doktor ba talaga siya o isang mambabarang?!

Iyan ang mga katanungang tumatakbo sa aking isip habang madiin ang hawak ko sa aking dibdib. Ito lang ang tangi kong magagawa sa ngayon dahil sa mabilis na pagtibok ng aking puso.


A/N

Medyo maiksi na ang chapter na ito kumpara sa nakasanayan ko. Nagkakaroon kasi ng problema sa Wattpad ’pag sobrang haba ng sinusulat ko. Hahaha!

Sa Sunday po ang continuation! Salamat sa mga patuloy na nagbabasa! Labyu! Hanggang sa muli!

–– cold_deee ❤

02.03.2018

Chapter 5

Credits to krazhinukhun22 for making this cover. ❤

  ![](https://img.wattpad.com/7425548c418bdabe2370912fbf75344e38093d3c/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f7967776c734a58773531537a4d513d3d2d3438353331333232342e313531303432366433643732373537303933363230373730353034342e6a7067)

FRANCE POV

Nagpatuloy ako sa paglalakad patungo sa sinasabing lanai ni Oliver kung nasaan ang mga bata.

“Dito ka na, Papa!” masayang pagyaya sa akin ni Kryz habang tinuturo ang mahabang silya na nasa tapat ng isang maliit na mesa.

Nang makaupo ako ay hindi rin ako nakapagsalita dahil napukaw ng aking atensyon ang mga doughnut na nasa ibabaw ng mesa. Ibang-iba ito sa mga doughnut na nabibili ko sa panaderya sa aming probinsiya. Iba’t iba ang kulay nito at napansin kong nasa labas ang mga palaman.

“Kakaibang doughnut ’to, ah?” hindi ko napigilang pagkamangha.

Agad naman akong nilingon ng mga bata at pareho silang natawa.

“Papa, naman! Ano bang klaseng reaction ’yan?! Parang ngayon ka lang nakakita ng ganito?” natatawang tanong ni Kryz.

Napakamot na lamang ako ng aking ulo dahil hindi ko alam ang isasagot ko. Totoo naman kasi ang kanyang sinabi, ngayon lang ako nakakita ng ganitong doughnut. Sa probinsiya kasi ay asukal lang ang nasa tinapay na ito, pero ang doughnut dito ay may tsokolate sa ibabaw at kung ano-ano pa.

Nasa ganoon kaming tagpo nang biglang nagsalita ang ama nilang si Oliver na nakarating na rin pala rito. Nakabihis na rin siya ng kanyang pagbahay. Medyo hapit ang pang-itaas niyang sandong puti kaya hindi ko maiwasang doon mapatitig.

Bakit maumbok ang dibdib ni Dok? Saka ang laki talaga ng braso niya. Hindi ko tuloy maiwasang ipagkumapara ang aming katawan. Wala pa yata sa kalahati ang braso ko sa kanya?

“Kryz, intindihin n’yo na lang ang Papa n’yo. May amnesia nga siya, ’di ba?” pakiusap niya sa mga bata. “At Weldy, ’wag mo rin akong tingnan nang ganyan dahil nakakailang. Regular akong nagpupunta sa gym kaya ganito ang katawan ko.” bigla niya ring pagkausap sa akin at bahagyang natawa.

Nanlaki ang mga mata ko dahil sa pagsaway niya sa akin. Masyado yata akong titig na titig sa kanyang katawan kaya napansin niya iyon.

“K-kumain na kayo! B-baka matunaw na ang tsokolate sa ibabaw ng doughnut!” nauutal kong pag-iiba ng usapan at pag-iwas na rin sa paningin niya.

Mukhang hindi ako makakalusot sa pagkakataong ito dahil mas naging malakas ang tawa ng doktor. Mabuti na lang at hindi na kami napansin ng mga bata dahil naging abala na sila sa kanya-kanya nilang pagkuha ng doughnut na nasa mga karton.

Nakakailang talaga ang lalaking ito. Tuwing naririto siya ay hindi ko talaga maiwasang kabahan. Nagbabalik kasi sa aking isip na siya ang asawa ni Weldy at nagiging problemado ako kung paano ko iyon mapapanindigan.

Ilang sandali pa ay kumilos si Oliver. Ang akala ko ay kukuha lang siya ng doughnut, pero nagulat ako nang tumabi ito sa inuupuan ko. Hindi lang iyon, nanigas ang buong katawan ko dahil ang isa niyang kamay ay nasa bandang likuran ko nakapwesto.

Anak ka ng tipaklong talaga!!!

Dahil doon ay para akong tinuklaw ng ulupong. Dahan-dahan ko siyang nilingon at hindi ko alam kung ano ang suot kong ekspresyon ngayon.

Nang magtagpo ang aming mga mata ay parang gusto ko nang magsisi. Sana pala ay hindi ko na lang siya nilingon dahil habang magkalapit ang aming mukha ay sinalubong niya ako ng matamis na ngiti.

“Kain ka na rin, Weldy. Ayaw kong nagugutom ang asawa ko.” malambing niyang paanyaya sa akin.

Nablangko na yata ako dahil nawala ang lahat ng nasa paligid ko. Hindi ko na makita ang mga bata maging ang dalawang kasambahay na naririto lang din sa aming pwesto.

“Ayyyiieee~ Si Kuya Weldy, oh? Pulang-pula na ang pisngi!” narinig kong kantiyaw ni Ate Aning.

“Emeged, Aning! Nakita ko na rin sa wakas ang eksena nila Kuya Oliver at Kuya Weldy na ganito! Na-miss ko ’to!!” pigil sa pagtili namang sambit ni Ate Loca.

Doon lamang yata ako natauhan lalo na nang marinig ko ang dalawang bata na nagtawanan.

Mabilis akong kumilos dahil sa pagkataranta. Agad akong nagdampot ng isang doughnut mula sa mesa at halos mangalahati iyon nang ipasak ko iyon sa aking bibig.

“Humain nya hayo! ’Wag n’yong hinaghihinchay ang pagcha-in!” halos hindi ko maituwid na pagsasalita dahil sa pagkatanranta habang puno ang aking bibig. Iniwas ko na rin ang aking mukha kay Oliver dahil parang sasabog na ang aking dibdib.

Mukhang naaliw ang lahat sa aking naging reaksyon kaya mas lumakas ang kanilang pagtawa.

Ipagpapatuloy ko pa sana ang pagsaway sa kanila ngunit hindi ko na iyon nagawa. Nang malasahan ko na kasi ang doughnut sa aking bibig ay parang nakalimutan ko na ang lahat ng pangyayari.

“Ang sarap!!” hindi ko napigilang reaksyon dahil sa aking kinakain.

“Kain ka pa, Papa! Marami pa po, oh?” pagyaya pa sa akin ng bunsong si Marl habang iniaabot ang isa pang doughnut sa akin.

Agad ko namang kinuha iyon mula sa kanya at sinalpak na naman sa aking bibig. Mabilis kong naubos ang unang doughnut dahil iba talaga ang lasa ng doughnut dito sa Maynila. Napakasarap din ng pangalawang doughnut dahil parang cake ang lasa. Kakaiba talaga.

Tuwang-tuwa naman si Oliver dahil parang may paligsahang nagaganap sa amin ng kanyang mga anak. Sarap na sarap kasi kami sa aming pagkain sa doughnut.

“Ate Aning, Ate Loca, kumuha na rin kayo bago kayo maubusan ng mga monster na ’to.” natatawang paanyaya ni Oliver sa dalawang kasambahay.

Oo nga pala, nawala na sa isip kong yayain sina Ate Aning at Ate Loca dahil sarap na sarap talaga ako sa mga doughnut.

Hindi naman nagpakita ng pagtutol ang dalawang kasambahay dahil kumuha na rin sila ng para sa kanila. Hindi ko naman maiwasang humanga kay Oliver dahil mabait din siya sa mga kasambahay niya. Hindi na rin ako nagtatakang nagtagal ang dalawang ito sa pagtatrabaho rito dahil mabait nga ang kanilang amo.

Nagpatuloy pa kami sa pagkain at nagkaroon pa ng kaunting tawanan dahil may agawang nangyari sa pagitan nina Ate Aning at Ate Loca sa flavor ng doughnut na gusto nila. Biniro pa sila ni Oliver na pati ba naman daw sa doughnut ay may pag-aagawan pa sila. Ang akala raw kasi niya ay sa lalaki lang sila nag-aagawan. Tawa naman nang tawa ang mga bata habang ako ay walang pakialam dahil sarap na sarap pa rin ako sa pagkain ng doughnut.

“Si Kuya Weldy, oh? Hindi halatang nagustuhan ang doughnut! Akala niya siguro hindi natin siya napapansin na nakaka-apat na siya!” natatawang pagpuna sa akin ni Ate Loca.

Dahil sa aking aking narinig ay natigilan ako. Nakaramdam ako ng hiya dahil sa ikinilos ko. Nawala na naman sa isip kong nagpapanggap ako sa mga oras na ito kaya dapat ay nagiging maingat ako.

Natahimik ang lahat dahil dahan-dahan kong binitiwan ang isa pa sanang doughnut na kakainin kong muli. Hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang pagsiko ni Ate Aning kay Ate Loca senyales na sinasaway niya ito sa naging komento nito.

“Kuya Weldy, ’wag mong masamain ang sinabi ko… Nakakatuwa lang kasi dahil ang gana mong kumain ngayon hindi tulad nang dati…” depensa ni Ate Loca sa nag-aalala niyang tono.

Nakakahiya talaga ako. Dahil sa pagiging ignorante ko sa maraming bagay, hindi ko naiiwasang ipakita ang tunay na pagkakakilanlan ko. Nagiging patay-gutom ako sa paningin ng itinuturing kong pamilya ko.

Pinilit kong magbitiw ng ngiti kay Ate Loca para hindi sila makahalata. Wala naman siyang kasalanan kung tutuusin dahil tama ang sinabi niya. Masyado kasi akong nasarapan sa tinapay na ngayon ko lang natikman at nakita.

“Wala ’yon, Ate! Hindi n’yo ba napansin? Nagjo-joke ako! Sinusubukan kong mabaling ang atensyon n’yo sa akin dahil ang bagal n’yong kumain!” pagpapalusot ko kasunod ang malakas na tawa ko.

Mukhang hindi ko sila nakumbinsi dahil wala pa rin silang naging reaksyon. Nanatili silang nakatingin sa akin habang may pag-aalala sa kanilang mga ekspresyon.

Nag-isip ako kung paano ko aalisin ang tensyon sa pagitan naming mga naririto. Naisip ko rin na baka mamaya ay mapagsabihan pa ni Oliver ang mga kasambahay kung magpapatuloy ito.

Dahil siguro sa pagkataranta ay isang bagay lang ang naisip kong gawin para bumalik na rin ang sigla sa kanila. Mabilis kong kinuha ang isang doughnut na binitiwan ko kanina at walang pagdadalawang-isip na itinapat iyon sa bibig ng lalaki sa aking tabi.

“Daddy, kumain ka rin! ’Wag kang basta lang nanonood sa amin!” mabilis kong utos kay Oliver habang nakatapat ang doughnut na aking hawak sa kanyang bibig.

Nasaksihan ko kung paano natigilan si Oliver dahil sa aking ginawa. Nakatingin lang siya sa akin at hindi nagawang makapagsalita. Maging ako ay nasorpresa ngunit hindi ako nagpahalata.

Ang puso ko! Pambihira! Kinakabahan na naman ako!

Gusto ko nang iiwas ang aking paningin kay Oliver dahil parang hinahalukay niya ang buo kong pagkatao sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Pero dahil nandito na ito, kailangan kong husayan ang pag-arte ko.

“Sige na, Daddy. Naghihintay na rin silang makain mo ang doughnut ko!” utos ko kay Oliver na may pilit na ngiti.

Hindi ko alam kung ano ba ang nakakatawa sa sinabi ko, dahil matapos kong sabihin iyon ay malakas na tawa mula sa mga kasambahay ang narinig ko. Hindi lang iyon, maging si Oliver ay hindi napigilan ang tumawa tulad nila.

Gumuhit sa akin ang pagtataka. May mali ba sa sinabi ko?

Nang tingnan ko ang mga bata ay pareho ko rin lang silang tila naguguluhan. Mukhang hindi rin nila alam kung ano bang nakakatawa sa salita kong binitiwan.

“Ang naughty mo, Kuya Weldy! Next time na ’yon! Nasa harap n’yo pa ang mga anak n’yo! Rated SPG ’yan!” natatawang pagsaway sa akin ni Ate Aning.

Naughty? Iyon ba ang tagalog ng mamani? Narinig ko kasi minsan ang naging komento ni Kryz sa kinakain naming tsokolate na maraming mani. Ang sabi niya, ’ It’s nutty and crispy! ’. Pero bakit magkaiba sila ng paraan kung paano iyon bigkasin? Mas parang sosyal si Ate Aning?

Patuloy pa ring tumatawa silang tatlo hanggang sa sumingit na ang cute na aming bunso.

“Daddy, kainin mo na po ang doughnut ni Papa. Nangangawit na po siya, oh?” pakiusap ni Marl na tila naaawa na talaga sa kalagayan ko.

Akala ko ay susundin agad ni Oliver ang pakiusap ng kanyang anak, pero naging dahilan pa iyon para mas lalo siyang humalakhak. Hindi rin nagpatalo sina Ate Aning at Ate Loca sa pagtawa. Naging dahilan tuloy iyon para mabulunan silang dalawa.

Hala? Nababaliw na talaga sila!

Mukhang hindi na nagugustuhan ng mga bata ang nangyayari kaya hindi na rin napigilan ni Kryz ang magsalita.

“Daddy, enough na! Stop laughing like there’s something funny! Kainin mo na ang doughnut ni Papa bago pa kami mainis!” pagsaway nito sa kanyang ama.

Halos hindi na makahinga si Oliver sa kakatawa. Hawak na niya ang kanyang tiyan at halos mapahiga na siya sa sofa.

“I’m so sorry! S-sorry, kids! Sorry, Weldy! I just can’t help it!” hindi maiayos na pagsasalita ni Oliver dahil pa rin sa labis na pagtawa.

Mukhang inis na inis na talaga ang mga bata dahil sa kanilang nakikita. Padabog na binitiwan ni Kryz ang kinakain niyang doughnut at pinagkrus ang kanyang mga braso sa kanyang dibdib. Kasunod nito ay sumimangot siya at inirapan ang kanyang ama.

Mukhang sinuportahan naman ng kapatid niyang si Marl ang ginawa ng kanyang Ate Kryz dahil ginaya niya rin ito. Binitiwan niya rin nang padabog ang hawak niyang doughnut at humalukipkip din ito. Kasunod nito ay ngumuso siya at sinubukang irapan ang kanyang ama tulad ng ginawa ng ate niya.

Hala?! Ang cute nila!! Gusto kong kurutin ang mga pisngi nila kung wala lang akong doughnut na hawak!

Muli kong tiningnan si Oliver habang hawak ko pa rin ang doughnut. Mukhang wala pa rin siyang balak na tumigil sa pagtawa dahil hindi man lang siya natinag kahit naiinis na ang mga bata.

Hindi ko talaga alam kung may mali ba sa sinabi ko kanina. Pero dahil sa ginagawang pagtawa nina Oliver at ng dalawang kasamabahay, nagmumukha na akong katawa-tawa.

Napakahirap talagang maging mangmang at walang alam. Hindi ako nakakasabay sa mga makabagong paksa sa lipunan. Hindi ko tuloy maiwasang makaramdam ng lungkot at pagsisisi kung bakit hindi ako naging kasing talino ng mga taong ito. Kung nakapagtapos kaya ako ng pag-aaral at hindi namuhay sa malayong lugar, mapagtatawanan pa kaya ako tulad nito?

Tuluyan na akong binalot ng lungkot dahil sa pagkapahiya. Dahan-dahan ay kumilos ako para alisin ang aking kamay na may hawak na doughnut sa tapat ni Oliver.

Kaunti na lang sana ay maibabalik ko nang muli ang doughnut sa karton na pinaglalagyan nito ngunit may isang kamay naman ang pumigil dito.

“I’m sorry, okay?! ’Wag ka nang magtampo! Ang cute mo lang kasi dahil ang innocent mo! Nagkakaroon ng double meaning ang mga sinasabi mo!” depensa ni Oliver habang hawak ang pulsuhan ko.

Ano raw? Ayan na naman siya! Nag-ingles na naman si Dok kaya naiwan na naman akong nakanganga dahil sa pagtataka! ’ Innocent’ at ’ double meaning’ naman ngayon! Ano sa tagalog ang mga ’yon?!

Dahil sa wala akong masabi ay nabigyan pa si Oliver ng pagkakataon na magsalita. Tumigil na siya sa pagtawa ngunit nanatiling malawak ang pagkakangiti niya.

“Again, I’m sorry, Weldy,” pag-uulit nito sa kanyang sinabi. “Akin na, kakainin ko na ang doughnut mo…” malambing pa nitong dugtong at medyo natawa pa rin sa huli.

Nakakainis na! Ano ba talagang nakakatawa?!

Gusto ko sanang magreklamo at magtanong sa kanila, pero baka iyon pa ang maging dahilan para mahalata nilang ibang tao ako. Ang tanging nagawa ko lamang ay simangutan si Oliver habang nakatingin ako nang tuwid sa mga mata nito.

Naramdaman ko ang mas paghigpit ng pagkakahawak ni Oliver sa pulsuhan ko, senyales na ituloy ko na ang gagawin kong pagsubo. Pero dahil naiinis pa rin ako sa kanya ay hindi ako sumunod, nagmatigas ako at hindi ko inalis ang aking kamay sa tangka kong paglapag ng doughnut sa karton nito. Naisip kong kahit man lang sa paraang ito ay makaganti ako dahil pinagtawanan nila ako.

Mukhang naramdaman ni Oliver ang aking pagmamatigas kaya muli siyang nakiusap.

“Please, Weldy? Pretty please?” mas malambing niyang pakiusap sa akin.

Pambihira! Nang-uto pa! Tinawag pa yata akong pretty?! Maganda raw ako kahit lalaki ako!

Nasa ganoon kaming tagpo nang magsalita ang panganay na si Kryz. Pero kung kanina ay nakabusangot siya, ngayon naman ay balik-sigla na siya.

“Sige na, Papa! Nami-miss na namin ang ginagawa n’yo dati ni Daddy, eh! Sige na, please..?” pakiusap nito sa akin habang ang dalawa niyang palad ay magkadikit na tila nananalangin.

Sa pangalawang pagkakataon ay sinuportahan na naman ng bunso ang kanyang Ate.

“Sige na po, Papa! Isubo mo na ang doughnut kay Daddy, please..?” pakiusap din ni Marl at ginaya ang kanyang Ate na pinagdikit ang mga palad na tila nagdarasal.

Grabe! Ang cute talaga nilang magkapatid! Ang sarap talaga nilang kurutin sa pisngi!

Dahil sa nakikita ko mula sa mga bata ay hindi ko naiwasan ang matawa. Mabilis talaga nilang napapawi ang aking lungkot at inis tuwing ganito sila.

“Matitiis mo ba ang pakiusap ng mga anak natin, Weldy?” biglang pagtatanong sa akin ni Oliver. “Kaya sige na, akin na ’yan. Nagugutom na rin ako, e.” sunod pa nitong pagkumbinsi sa akin.

Napahinga ako nang malalim. Kung hindi lang talaga para sa mga bata, baka tuluyan ko nang hindi siya pinansin. Magpasalamat talaga siya at may mga batang tulad nina Kryz at Marl na madali akong pasayahin.

Dahan-dahan ay kumilos ako para muling iangat ang kamay kong may hawak na doughnut. Nagbalik na naman sa akin ang kaba nang muli ko itong itapat sa bibig ni Oliver para isubo sa kanya. Hindi naman niya binibitiwan ang aking pulsuhan kaya mas lalo akong kinabahan.

“Emeged! Ayan na!”

“Go, Kuya Weldy! You can do it! Push mo na!”

Pigil ang mga pagtili nina Ate Aning at Ate Loca habang naghihintay sa mangyayari.

Hindi ko alam kung nararamdaman ba ni Oliver ang panginginig ng kamay ko. Kung nararamdaman niya man, sana ay isipin niya na lang na pasmado ako.

“B-bilisan mo na, Oliver…” kinakabahan kong utos sa kanya. Para kasing hindi niya kakainin ang doughnut. Titig na titig lang siya sa akin.

“Sa isang kondisyon, Weldy. Tawagin mo muna ulit akong Daddy tulad nang dati.” bigla niyang utos sa akin.

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niyang iyon.

“Ayyyiiee~~” kantiyaw naman ng mga bata ganoon din ng dalawang kasambahay.

Isalpak ko na lang kaya ang doughnut na ’to sa bibig ni Oliver?! Minsan na nga lang siyang nandito sa bahay, pahirap pa sa buhay!

“A-ah… S-sige na, Daddy… Kumain ka na para mabusog ka rin…” pagsuko ko na lang sa kanya habang may alanganing ngiti.

Wala na akong magagawa. Kailangan ko siyang sundin para matigil na rin siya sa kalokohan niya.

Nang sabihin ko iyon ay mas lumapad ang ngiti ni Oliver. Kasunod nito ay kumagat naman siya sa doughnut na hawak ko.

“Emeged! Ang sweet! Nakaka-wet!” tumitili pa ring reaksyon ni Ate Loca.

“Magtigil ka nga diyan! Pigil-pigil din ’pag may time!” saway naman ni Ate Aning sa kanya.

Salamat naman at kinain din agad ni Oliver! Ang akala ko ay matatagalan pa kaming lalo!

“Ipaubos mo sa kanya ’yan, Papa, ha?! Ang cute n’yo talaga ni Daddy! Feeling tuloy namin nagbalik na kayo sa dati!” masayang pakiusap ni Kryz sa akin.

“Oo nga po, Papa! Tapos kuha ka pa po ng isa! Tapos subuan mo ulit si Daddy, ha?” pakiusap naman ni Marl.

Pwede bang umapela? Akala ko ba isang beses lang? Bakit parang umaabuso sila?

Magsasalita na sana ako para tumutol ngunit hindi ko na iyon naituloy.

“Pagbigyan mo na ang mga bata, Weldy… Pakainin mo pa ako ng doughnut mo…” bulong sa akin ni Oliver dahilan para matigilan ako at magtayuan ang mga balahibo ko.

“Aayyiiee!!” kantiyaw na naman sa amin ng apat sa aming tapat.

Mabilis kong iniwas ang aking sarili kay Oliver dahil napakalapit talaga niya.

“O-oo na!! Ang dami pang sinasabi!” pagsang-ayon ko na lang sa kanyang gusto.

Wala na akong magagawa. Kailangan ko silang sundin dahil wala akong kakampi sa mga oras na ito. Lahat sila ay pinagtutulungan na ako.

Nagpatuloy kami sa pagkain at nagpatuloy rin sila sa pagkantiyaw sa amin. Bahagya namang nabawasan ang aking pagkailang kay Oliver dahil nakikita kong masaya ang mga bata sa kanilang nakikita.

Siguro nga ay na-miss nila ang ganitong gawain ng kanilang mga magulang. Nakakaramdam ako ng pagsisisi dahil hindi naman ako ang tunay nilang Papa. Pero sa halip na magpakulong ako sa emosyon kong iyon, iniisip ko na lamang na nagagawa kong pangitiin at pasayahin sila ngayon.

Sumapit ang gabi at oras na ng pagpapahinga. Tulad nitong mga nakaraan, mukhang nasasanay na rin silang ako ang nagluluto paminsan-minsan. Nagulat pa nga ako nang mismong ang mga bata kanina ang humiling sa akin na ako ang magluto para sa aming hapunan. Alam naman daw nilang marunong akong magluto, pero ngayon pa lang daw nila natitikman ang ibang putahe na alam ko. Ang hindi nila alam, mas marami pa akong alam na lutuin dahil hindi naman ako ang tunay nilang Papa.

Sa ngayon ay naririto lang ako sa kama nina Oliver at ng tunay na Weldy. Mag-isa na naman ako tulad nang dati. Si Oliver naman ay naroroon pa rin sa kwarto ng mga bata at siya na rin ang nagpresenta na magpatulog sa kanila.

Hindi pa ako dinadalaw ng antok lalo na at paulit-ulit na nagbabalik sa aking isip ang senaryo kanina noong kumakain kami ng doughnut sa lanai.

“Doughnut…” mahina kong sambit habang nakatulala.

Nanlaki ang mga mata ko. Nang sumagi kasi sa aking isip ang pagkaing iyon ay parang bigla na naman akong nagutom.

Dahan-dahan ay umahon ako sa pagkakahiga. Mas lalo na yata akong hindi makakatulog sa pagkakataong ito dahil parang may tumatawag sa pangalan ko.

At kung tatanungin kung sino ang tumatawag sa akin? Walang iba kundi ang iba’t ibang kulay at flavor ng doughnut na dala ni Oliver kanina.

“Bakit kasi ang sarap nila? Nakakainis naman, eh! Bakit wala no’n sa probinsiya?! E, ’di sana hindi ako natatakam ngayon sa kanila!” naiinis kong pangaral sa aking sarili.

Sa pagkakaaalala ko ay may natira pa kanina. Masyadong marami ang binili ni Oliver at hindi naman namin naubos iyon. Kung hindi lang sana ako nakantiyawan ni Ate Loca kanina, malamang ay wala na roon natira. Espesyal kasi ang doughnut na iyon. Mukhang sosyal at mamahalin kaya sobrang sarap din.

Hindi ko alam kung ilang minuto akong tulala habang iniisip ang pagkaing iyon. Namalayan ko na lamang na nakababa na ako sa kama at nakasilip na ngayon sa labas ng kwarto kung saan ako naroroon.

“Tulog naman na siguro sila?” bulong kong tanong sa aking sarili.

Wala na. Tuluyan na akong natukso sa pagtawag sa akin ng mga doughnut na alam kong nagtatago lang sa ref na nasa kusina.

Gusto ko ulit kumain no’n. Hindi naman siguro masama kung kukuha ako ng isa? Masamang pinapatagal at pinaghihintay ang grasya. Isa pa, baka ito lang din ang paraan para makatulog na ako. Kaya siguro hindi pa ako dinadalaw ng antok dahil nabitin ako kanina sa pagkain nito.

Tahimik ang buong bahay kaya sinimulan ko na ang aking pakay. Dahan-dahan akong humakbang palabas ng pinto ng kwarto at siniguro kong walang magiging ingay ang bawat paghakbang ko.

Mabuti na lang at may ilan pang bukas na ilaw sa mga oras na ito kaya hindi ako nahihirapang makita ang ilang parte ng bahay. Mukhang pati sina Ate Loca at Ate Aning ay nahihimbing na rin dahil nakapatay na ang ilaw ng kanilang kwarto nang madaanan ko ito.

Nang makarating ako sa kusina ay wala na akong sinayang na segundo. Agad kong binuksan ang ref at hinanap ang karton kung saan nagtatago ang doughnut na inaasam ko.

Nang tuluyan ko itong makita ay parang gusto kong sumigaw sa saya. Alam kong nagliliwanag na rin ang aking mga mata habang pinagmamasdan sila.

“Doughnut! Doughnut!” bulong ko sa aking sarili habang nakangiti.

Binuksan ko ang karton at hindi nga ako nagkamali, may laman pa iyon at magkakaiba rin ang flavor.

Kumuha ako ng isa ngunit parang hindi ako nakuntento kaya binalikan ko pa ito para kumuha pa ulit ng isa. Ngayon ay dalawa na ang nasa kamay ko at pinagpipilian kung ano ang dapat na mauna.

“Para patas, tig-isa kayong kagat!” pagkausap ko sa mga doughnut.

Sinimulan ko na ang kumain at salitan ang aking naging pagkagat. Sa bawat pagkagat ko sa mga doughnut ay naroon pa rin ang kaparehong saya na hatid nito tulad noong una kong matikman ang mga ito.

“Iiihhh!! Ang sarap talaga!!” reaksyon ko sa bawat paglunok ko. Paminsan-minsan pa akong napapapikit para namnamin ito.

Dahil sa sobrang tuwa sa pagkain ay tuluyan na yata akong nawala sa aking sarili.

“Weldy?” biglang pagtawag mula sa aking tabi.

“Ay, buchiki!” nagulat kong reaksyon habang may doughnut pa sa aking bibig.

Natigilan ako sa pagnguya ganoon din sa aking pagkilos nang marinig ko ang pagtawag ng isang lalaki.

Para akong robot na unti-unting nilingon ang pinagmulan ng boses na iyon. Doon ko natagpuan ang taong nakatayo malapit sa aking pwesto habang suot ang nagtatakang ekspresyon nito.

“D-daddy… E-este, Oliver!!” nagugulat kong reaksyon matapos kong lunukin ang doughnut na nasa bibig ko.

Nasaksihan ko kung paano niya salitang tinitingnan ang aking mukha at ang dalawang kamay ko na may hawak na doughnut. Ilang segundo rin iyon hanggang sa bigla siyang matawa nang mahina.

“I’m glad na nagustuhan mo ang pasalubong ko. Bakit kasi hindi ka pa kumain ng marami kanina? Para naman talaga sa inyo ’yan ng mga bata.” natatawa niyang pagtatanong.

Nakaramdam naman ako ng hiya dahil nahuli niya ako. Kulang na lang ay sabihin niyang para akong isang magnanakaw na umaatake sa bahay niyang ito.

“B-bakit gising ka pa?” pag-iiba ko na lang ng usapan.

Hindi agad siya sumagot. Kumilos siya patungo sa ref at binuksan iyon.

“Iinom lang sana ako ng tubig, kaso napansin kong may tao rito sa kusina kaya dahan-dahan din akong nagpunta rito. Akala ko pinasok na tayo ng magnanakaw, e. Ikaw lang pala ’yan.” sagot niya matapos kumuha ng tubig mula sa ref.

Sinasabi ko na nga ba, magnanakaw ang tingin niya sa akin.

“S-sorry…” nahihiya kong sambit at napayuko ako.

Narinig ko naman ang mahina niyang pagtawa matapos niyang uminom sa isang bote ng tubig na hawak niya.

“Bakit ka naman magso-sorry?” tanong niya sa akin. “You can do whatever you want here. Bahay mo rin ito. You’re my husband, remember? Kung ano ang properties ko, properties n’yo rin ng mga anak ko.” dugtong niya pang nakangiti.

Hindi ako nakasagot, hindi ko kasi naintindihan ang iba niyang sinabi. Nag-ingles na naman si Dok.

“Sige na, ituloy mo na ’yang kinakain mo. Kung gusto mo pang kumain, ubusin mo na lang din ’yan. Just make sure na magtu-toothbrush ka bago matulog dahil baka sakitan ka ng ngipin, okay?” paniniguro na niya ngayon sa akin.

Ang bait naman niya. Sige, kukuha pa ako mamaya ng isa.

Napangiti naman ako nang tipid sa kanya at tumango.

“S-salamat… Ang sarap ng doughnut, eh…” sagot kong nauutal sa kanya.

Muli na naman siyang natawa.

“Mukhang nagustuhan mo talaga, ah? Hayaan mo, dadalasan ko ang pagbili niyan para sa ’yo.” wika niya sa masayang tono.

“Talaga?!!” hindi ko napigilang paniniguro habang namamangha pa ang ekspresyon ko.

Mas lalo siyang natawa sa akin.

“Promise! Basta makita lang kitang ganyan kasaya!” sagot niyang natatawa.

“Iiihhh! Salamat!” sagot ko rin pabalik.

Tumango na lamang siya sa akin habang nakangiti pa rin. Ewan ko kung nakahalata siya sa ikinilos ko, pero wala na akong pakialam doon, mas nangingibabaw sa akin ang saya na malamang marami pang paparating na doughnut tuwing uuwi siya rito.

Matapos ang maikli naming pag-uusap ay unti-unti na siyang tumalikod. Mukhang babalik na siya sa kwarto ng mga bata para matulog.

Pinagmasdan ko lang siya sa kanyang paglalakad. Gusto ko kasing masiguro na hindi na siya muling haharap para hindi na rin niya masaksihan ang masiba kong pagkain sa doughnut na aking hawak.

Pero nang makarating siya sa isang mesa na malapit pa rin dito ay nangunot ang noo ko nang may damputin siyang isang unan na nakapatong doon. Kasunod nito ay naglakad siya taliwas sa daan kung nasaan ang hagdanan patungo sa aming mga kwarto.

“Teka, teka!” pag-awat ko sa kanya.

Natigilan naman siya at muli akong nilingon.

“Bakit ka may dalang unan? Saka saan ka pupunta? Doon ang mga kwarto, ’di ba?” sunod-sunod kong pagtatanong sa kanya at inginuso ang ikalawang palapag. Hindi ko kasi maituro iyon gamit ang aking daliri dahil sa mga doughnut na nasa aking mga kamay.

Ngumiti muna nang tipid si Oliver bago ako nagawang sagutin.

“Dito na lang ako sa sala matutulog. Pinagagalitan kasi ako ng mga anak natin dahil gusto nilang doon ako sa kwarto natin matulog,” sagot niya sa akin sa malungkot niyang tono. “Alam ko naman na naiilang ka pa rin sa akin hanggang ngayon, Weldy. Baka mapuyat ka lang dahil sa presensiya ko at ’yon ang iniiwasan ko. Makakasama kasi ’yon sa kalusugan mo.” sunod niya pang paliwanag.

Para akong nanghina sa sinabi niyang iyon. Binalot ako ng aking konsensiya at hindi ko napigilang makaramdam ng awa sa kanya.

Kung may tao mang dapat na matulog sa labas o sa sala, walang iba ’yon kundi ako. Siya ang nagmamay-ari ng bahay na ito at sampid lang ako. Siya rin ang bumubuhay sa pamilyang ito, siya dapat ang mas nabibigyan ng tamang pahinga lalo na at hindi madali ang propesyon nito. Pero heto siya, mas iniisip pa rin ang kapakanan ko.

May ilang segundo rin akong walang imik dahil naiwan akong nag-iisip. At dahil din yata sa katahimikan kong iyon ay hindi na niya nahintay pa ang aking pagtugon. Itinuloy niya ang naantala niyang pagkilos para makaalis sa kusina kung saan kami naroroon.

“Sandali, Oliver!” muli kong pagpigil sa kanya.

Tulad pa rin kanina ay natigilan muli siya. Dahan-dahan niya ulit akong nilingon suot ang nagtataka niyang ekspresyon.

“D-doon ka na sa kwarto natin matulog…” nauutal kong mungkahi sa kanya.

Mas lalong gumuhit ang pagtataka sa kanya.

“S-sigurado ka? Uhm… I mean, baka hindi ka maging komportable kung nandoon ako?” paniniguro niya.

Sa totoo lang ay hindi pa ako sigurado. Tuwing magkasama nga kami ay para na akong maiihi, iyon pa kayang nasa iisa kaming kwarto?

Pero hindi rin naman pwedeng ganito siya palagi. Pagod na nga siya sa trabaho tapos hindi pa siya magkakaroon ng tamang pahinga na kailangan ng katawan niya.

Dahan-dahan akong nagbitiw ng ngiti bago sumagot sa katanungan niya.

“Oo naman. Isa pa, matutulog lang naman tayo, ’di ba? Wala namang masama roon.” sagot ko sa kanya. “Pasensiya ka na rin pala kung nagiging mailap ako sa ’yo. Naiintindihan mo naman na hindi pamilyar sa akin ang lahat dahil sa nakalimutan ko ang maraming bagay, ’di ba?” sunod ko pang paghingi ng pang-unawa mula sa kanya.

Ilang segundo rin ang lumipas na nag-isip siya, ngunit matapos iyon ay gumuhit na rin ang ngiti niya.

“Salamat. Hayaan mo, hindi kita bibiglain. Doon muna ako sa sofa na nasa kwarto natin hanggang sa masanay ka na sa presence ko.” sagot na niyang nakangiti sa akin.

Aaminin ko, medyo kinabahan ako. Pakiramdam ko kasi ay unti-unti na niya akong sinasanay sa mga bagay na ginagawa nila noon ni Weldy. Nakikita niya ako bilang kanyang asawa kaya alam kong umaasa siyang magbabalik ang lahat sa dati.

’Wag naman sanang mangyari ang kinakatakot ko. ’Wag naman sanang mangyari sa hinaharap na gawin din namin ang mga ginagawa nila ng tunay niyang asawa.

Ang ipinagdadasal ko na lamang ngayon, sana ay makita ko na ang taong aking hinahanap bago pa mangyari ang kinakatakot ko. At sana, makabalik na rin si Weldy sa oras na makaalis ako rito.

“Sige, mauna ka na sa kwarto. Uubusin ko na lang ang mga ’to,” tipid na ngiti kong sagot sa kanya. “Basta, ’wag mong kalimutan ang pangako mo, ha? May doughnut ’pag uuwi ka.” pahabol ko pa.

Pambihira ka, France! Patay-gutom ka talaga!

Muli na naman siyang natawa.

“Oo na! Next time, sa ’yo lang ang dalawang box!” natatawa niyang sagot sa akin.

Tumango na lang kaming pareho matapos iyon. Kasunod nito ay itinuloy na rin niya ang pag-akyat sa aming kwarto.

Naiwan ako sa kusina na nag-iisip pa rin sa mga nangyari. Naguguluhan pa rin ako at natatakot sa mga posibleng maganap sa hinaharap. Pero kahit ganoon, hindi naman naging dahilan iyon para hindi ko ituloy ang aking paglamon.

“Hang sharap chalaga!” sambit ko habang patuloy na ngumunguya.

Hindi ko natupad ang aking sinabi na hanggang tatlo lang ang aking kakainin dahil umabot pa ako ng pang-apat na doughnut. Doon lamang din ako nakuntento at naramdaman kong medyo inaantok na ako. Tama nga ako, doughnut lang ang sagot para makatulog ako.

Nang makarating ako sa ikalawang palapag kung nasaan ang kwartong tutulugan namin ni Oliver ay nagkaroon pa ako ng ilang minutong pag-iisip sa labas. Hindi ko alam kung tama pa ba ang aking ginawang pagdarasal bago pinihit ang door knob.

Mukhang tinupad naman ni Oliver ang kanyang sinabi dahil naabutan ko siyang nakahiga na ngayon sa sofa malapit lang din sa kama. Nagpapasalamat naman ako dahil kahit paano ay may kumot na rin siya bukod sa hawak niyang unan kanina.

Nakatagilid ang kanyang pwesto na nakaharap sa kamang tutulugan ko. Nakapikit ang kanyang mga mata ngunit hindi ako sigurado kung tulog na ba ito.

Saglit akong nagpunta sa banyo na naririto sa kwarto para magsepilyo. Matapos iyon ay naging maingat din ako sa aking pagkilos na makahiga sa kama na naririto.

Nang tuluyan akong makahiga ay napansin ko sa aking sariling wala na akong kabang nararamdaman kahit pa naririto si Oliver sa kwartong aking tinutulugan. Nakatulong din siguro na makita siyang nakapikit at mukhang natutulog na sa mga oras na ito.

Hindi ko maipaliwanag, pero parang may nag-uutos sa akin na titigan ang lalaking ngayon ay nahihimbing.

Para talagang siyang artista. Wala akong maipipintas sa kanyang mukha. Ang dami sigurong naghahabol sa kanyang babae bago pa siya naging asawa ni Weldy? Matalino rin siya at maganda ang hubog ng katawan niya. Maswerte talaga si Weldy kay Oliver dahil mabait siya at mapagmahal sa mga anak niya. At noong nakita ko ang larawan nila ni Weldy sa photo album nila, bagay na bagay talaga sila kahit pa parehong silang lalaki. Cute at maamo rin naman kasi ang mukha ni Weldy.

Nangunot ang aking noo nang mapag-isip-isip ko ang huling bahagi ng aking komento.

Nagagandahan ako sa mukha ni Weldy. Eh, magkamukha kami, ’di ba? Ibig sabihin, cute din ako? Nasabi ko rin na bagay sila ni Weldy. At dahil sa magkamukha kami, ibig bang sabihin, bagay din kami ni Dok?

“Mali! Mali! Mali! Istap! Istap!” bulong kong pagsaway sa aking sarili habang nakapikit at umiiling.

Nasa ganoon akong tagpo nang matigilan na naman ako.

“Weldy, matulog ka na. Sinabi ko nang masama sa ’yo ang nagpupuyat, ’di ba?” biglang pagsasalita ng taong akala ko ay nahihimbing na sa mga oras na ito.

Nanlaki ang mga mata ko nang matagpuan ko si Oliver na ngayon ay nakabukas ang mga matang tinitingnan ako.

“Stop it, please? ’Wag kang magulat diyan na parang isa akong multo sa harap mo.” natatawa niyang pagsaway sa akin.

Hindi ko naman iniisip na isa siyang multo. Masyado siyang gwapo para manakot.

“H-hindi naman… Akala ko kasi, natutulog ka na…” nahihiya kong pagdadahilan sa kanya.

Ngumiti naman siya sa akin. Napansin kong medyo inaantok na rin siya dahil nagiging marahan na ang bawat pagpikit niya.

“Eversince, Weldy, hindi ako nakakatulog hangga’t hindi ka pa rin natutulog. Binabantayan kita dahil gusto kong maayos kang nakakapagpahinga.” malambing niyang pagsasalita.

Hindi ko nagawang makapagbigay ng reaksyon sa sinabi niya. Namangha ako sa paraan ng kanyang pag-aalaga sa asawa niya. Ngayon ko napatunayang maswerte nga talaga si Weldy na naging asawa niya ang tulad ni Oliver. Dahil bukod sa ulirang ama ito, napakabuting asawa rin nito.

“Weldy…” pagtawag niyang muli sa akin habang nakapikit.

“B-bakit, Daddy? Este, Oliver?” sagot ko sa kanya.

Bakit ba madalas ko na siyang natatawag na Daddy?! Nakakahawa naman kasi ang mga anak niya, eh! Lagi ko na lang naririnig na ‘Daddy! Daddy!’ . Ayan, nahahawa na rin tuloy ako!

Natawa nang bahagya si Oliver bago nagpatuloy sa kanyang sasabihin. Natatawa siguro dahil sa madalas kong pagkakamali.

“Magpahinga ka na. Wala pang pasok ang mga bata bukas, ’di ba? Gusto kong maaga tayong gumising dahil mamamasyal tayong apat. Pumunta tayo ng mall para mailabas ko rin naman kayo habang hindi busy ang schedule ko.” pagbabalita niya habang nakapikit at nakangiti.

Parang sasabog ang dibdib ko sa saya nang marinig ko iyon mula sa kanya. Matagal-tagal na rin ako rito at ngayon pa lang mangyayari na makakalabas ako. Gusto kong pumasyal at makita ang ibang parte nitong Maynila!

“Talaga, Daddy?! Este, Oliver?!” namamangha kong paniniguro sa kanya.

Binuksan niya ang kanyang mga mata at natawa siya nang makita ang aking reaksyon.

“Oo. Kaya nga magpahinga ka na. Mag-enjoy lang tayo bukas ng mga bata. Gusto mo bang tanghaliin ng gising? Sige ka, iiwan ka namin?” natatawa niyang panunukso sa akin.

Umiling ako nang maraming beses bilang sagot. Siyempre gusto kong sumama sa kanila ng mga bata.

“Matutulog na ako, pramis! Sige na, matulog ka na rin para maaga ka ring magising!” sagot ko sa kanya na may malawak na pagkakangiti.

“Great,” sagot niya rin pabalik. “Good night, Weldy.” sunod niya pang sambit.

Ngumiti naman ako nang matamis.

“Good night, Daddy.” sagot ko rin sa kanyang sinabi. Kasunod nito ay umayos ako ng pagkakahiga at ipinikit ko na rin ang aking mga mata. Hindi na ako nag-abala pang itama ang paraan ng pagtawag ko sa kanya dahil sa nangingibabaw kong saya.

Mukhang maaga kong makakasanayan na hindi makaramdam sa kanya ng pagkailang. Hindi naman pala masama na magkasama at matulog kami sa iisang kwarto dahil napakabait ng taong ito.


A/N

Sinong kinilig? Ako lang ba? Chos!

Para kay

krazhinukhun22

ang chapter na ito! Siya rin po ang gumawa ng cover na nakita ninyo sa unang bahagi nitong chapter. Try to visit his profile na rin po and check his work, guys! Hugs and kisses, Kino! Salamat ulit!

Salamat din po sa mga naghihintay ng update! Mamaya ko sasagutin ang mga huli ninyong comments. Matutulog muna akez! Labyu!

–– cold_deee ❤

02.05.2018

Chapter 6

© to  unknown_krist  for making this cover.   

  ![](https://img.wattpad.com/36bdc05992279fbee15031ef443b5c32f31f3831/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f6e583339636b4e6f5875384451773d3d2d3438353331353735362e313531323566393031363230376166333630363037393432353138342e6a7067)

FRANCE POV

“Iihhh! Ang laki naman niyan, Oliver?!” namamangha kong reaksyon habang nanlalaki ang aking mga mata.

“I know.” nakangiti niya namang balik sa akin.

“Saka ang taba pa! Kaya ko bang isubo ’yan?! Ang laki talaga!” hindi ko pa rin napigilang reaksyon.

Natawa na naman siya bago nagawang sumagot.

“Hindi mo naman kailangang kainin nang buo ’yan. Gusto mo bang mabulunan?” natatawa niyang tanong pabalik.

Umiling naman ako nang paulit-ulit bilang pagsagot. 

Ayaw ko ngang mabulunan!

“Ano nga ulit ang tawag dito?!” tanong ko pang muli sa kanya.

“Lobster ang tawag diyan.” natatawa pa rin niyang sagot sa akin.

“Ahh… Lobster nga pala…” sambit ko pa ring tumatango. “Parang alimango, ’no?” sunod ko pang tanong.

Doon na rin natawa ang dalawang bata na nakaupo sa aking tabi at napapagitnaan ako.

“Si Papa talaga! Ang cute-cute mo talaga!” reaksyon ni Kryz na natatawa.

“Oo nga po, Papa! Pa-kiss nga po!” si Marl naman na mabilis na hinawakan ang aking mukha at hinalikan ako sa pisngi.

Hindi ko naman napigilang panggigilan ang bunso dahil sa ginagawa niyang paglalambing. Halos pisain ko na ang kanyang katawan dahil niyakap ko siya nang mahigpit. At siyempre, ginawa ko rin iyon kay Kryz dahil alam kong magseselos naman itong cute na panganay. Wala tuloy silang nagawa kundi ang tumawa nang malakas dahil sinimulan ko na rin silang kilitiin sa pamamagitan ng aking paulit-ulit na paghalik sa kanilang leeg at pisngi.

Pinapanood lang naman kami ni Oliver at mukhang natutuwa rin siya sa kanyang nakikita. Sinimulan na rin niyang kumuha ng ilang mga pagkain at inilagay iyon sa bawat plato namin ng mga bata.

Dapat ay ako ang mag-aasikaso sa kanila, pero dahil abala ako sa paglalambing sa aking mga anak ay hinayaan ko na lang ang kanilang ama. Isa pa, hindi ko alam kung paano ko sila aasikasuhin lalo na at hindi pamilyar sa akin ang mga putaheng nakahanda sa mesa. Mukhang ang ilan kasi rito ay marami pang sangkap na dapat ilagay bago pa ito maaaring kainin. Kaya para makaiwas na rin sa pagkakamaling magawa ko na maaari ring pagmulan ng pagkakabuking sa pagpapanggap ko, hinayaan ko na lang si Oliver na asikasuhin kami. Saka ang cute naman kasi talaga ng mga batang ito! Nakakalimutan ko ang aking gutom tuwing sila ang nakikita ko!

Naririto kami ngayon sa isang magarang kainan sa loob ng isang mall. Tinupad ni Oliver ang sinabi niya sa akin kagabi na magpupunta kami rito at sama-sama kaming mag-e-enjoy.

Ito ang kauna-unahang beses na nakarating ako sa ganito kalaking pamilihan. Kaya simula nang makapasok kami rito ay hindi ko rin maiwasang mamangha sa lahat ng bagay na aking nakikita.

Mabuti na lang pala at nakatatak na sa kanilang isip na nawala ang mga bahagi ng aking memorya. Kaya sa tuwing hindi ko mapigilan ang magulat o mamangha sa aming mga madadaanang tinadahan ay naroon sila para ipaliwanag sa akin kung ano-ano ang mga iyon.

“Do you wanna have some soup first, Weldy?” tanong sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

“Hhmm!! Ang bango talaga ng mga anak ko! Paamoy nga ulit?!” patuloy kong paglalambing sa mga bata.

Narinig ko naman ang tanong sa akin ni Oliver, pero ang problema, hindi ko na naman iyon naintindihan. Kung hindi ako nagkakamali, inaalok niya ako ng sabon. Soap daw. Eh, wala namang soap dito sa mesa. Kaya para hindi ako mahalatang hindi nakaintindi, nagpatuloy ako sa pakikipaglaro sa mga bata at nagpanggap na bingi.

“Kids, mamaya na ’yang laro. Pakainin n’yo muna ang Papa ninyo. Wala pa ’yan breakfast dahil sa pag-aasikaso sa inyo kanina.” pag-awat na ngayon ni Oliver sa amin ng mga bata.

Ayun! Naintindihan ko ang breakfast!

Tama si Oliver, hindi nga ako nakakain ng agahan kanina bago kami umalis. Masyado kasi akong naging abala sa pagpapaligo sa mga bata at pagbibihis sa kanila. Nakailang beses din silang nagpalit ng damit dahil hindi raw nila gusto ang mga nasa damitan nila. Mabuti na lang at sinaklolohan na ako ni Oliver kanina at napilit silang suotin ang mga damit na huli nilang sinukat.

Napahinto kami ng mga bata dahil sa pagsaway na iyon ni Oliver. Walang nagawa ang mga chikiting kundi ang mapanguso dahil sa nabitin kong paglalambing.

Sa halip na pagalitan ni Oliver ang kanyang mga anak ay nginitian pa sila nito.

“Kryz, Marl, alam kong na-miss n’yo ang Papa ninyo, but you should also be considerate. Hindi na siya nakakain ng breakfast. Tapos ngayon, hindi rin siya makakakain nang maayos kung patuloy kayong maglalaro. Gusto n’yo ba siyang magkasakit ng ulcer?” pagpapaintindi nito sa kanyang mga anak.

Ulcer. Ulcer. Ulcer.

Hindi na lamang ako sumagot dahil hindi ko alam ang ulcer. Pero sigurado ako, dahil sa ginamit ni Oliver na pangungusap, may kinalaman sa gutom ito.

Bahagyang nawala ang pagsimangot mula sa dalawang bata. Kasunod nito ay pareho nila akong hinarap gamit ang kanilang maamong mukha.

“Sorry, Papa… Sorry kung naging makulit kami ni Marl kanina… Hindi ka tuloy nakakain ng breakfast…” nahihiyang pakikipag-usap sa akin ni Kryz.

“Sorry rin po, Papa…” paghingi rin ng tawad ni Marl. “Pero si Ate Kryz naman po ang may kasalanan, ’di ba..? Ang arte niya po sa mga damit na susuotin niya…” dugtong niya pang paninisi sa kanyang Ate.

“Ha?! Ako na naman, Marl?! Ikaw rin naman, ah?!” nabibiglang reaksyon naman ng kanyang Ate.

Naku! Kailangan nang maawat ang dalawang ito bago pa lumala ang gulo. Napapagitnaan pa naman nila ako kaya mahihirapan ako sakaling mag-away na naman ang mga ito.

Pareho ko silang inakbayan habang natatawa ako. Ewan ko ba, kahit na ganito sila kakukulit ay natutuwa pa rin ako sa kanila.

“Tama na nga ’yan! Kumain na lang tayo para makapunta na rin tayo agad sa sinasabi ng Daddy ninyong cinema!” pag-awat ko na lang sa kanila.

Noong nasa kotse kami kanina habang papunta rito sa mall ay nasabi ni Oliver na manonood daw kami ng sine. Tinanong pa nga nila ako kung ano raw ang gusto kong panoorin pero sinabi kong sila na lamang ang bahalang mamili. Kung saan sila magiging masaya ay magiging masaya na rin ako basta’t sila ang kasama ko.

Ang totoo niyan ay wala talaga akong ideya sa hitsura ng sinasabi nilang sinehan, dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakapasok ako roon. Naririnig ko ang aking mga kaklase noong nag-aaral pa lamang ako na nag-uusap tungkol dito, kung paano sila nakakapanood ng mga palabas na hindi pa raw naipapalabas sa mga telebisyon. Pero wala akong ideya sa hitsura ng sinasabi nilang sinehan na iyon. Kaya nga sinabi ko rin sa mga bata at kay Oliver na sila na ang bahalang magdesisyon.

“Here, Weldy, mag-soup ka muna para mainitan ang sikmura mo. Hayaan mo munang kumain ang mga bata at asikasuhin ang sarili nila para masanay rin silang hindi mo laging sinusubuan.” utos sa akin ni Oliver habang iniaabot ang isang maliit na mangkok na parang may sabaw.

Tumango naman ako sa kanya habang nakangiti.

“Salamat.” wika ko at sinimulan ko na rin ang kumain.

Kung gano’n, soup pala at hindi soap? Mabuti na lang pala at naging malinaw sa akin ang bagay na iyon. Dahil kung hindi, mauulit na naman ang senaryong pagbibingi-bingihan ko.

Nagsimula kaming kumain nang masaya at ganado. Aaminin ko, masarap talaga ang mga nakahandang pagkain dito. Ngayon lang ako nakakain ng mga pagkaing ganito kasasarap kaya halos mabulunan ako sa sunod-sunod na pagkain ko. Sina Oliver naman at ang mga bata ay natutuwang pinapanood ako sa magana kong pagkain. Paminsan-minsan nga ay sila pa ang naglalagay ng mga pagkain sa aking plato. At kahit na pinagsabihan ako kanina ni Oliver na ’wag subuan ang mga bata, ginawa ko pa rin iyon dahil gusto kong mabusog din sila tulad ko.

“Papa, hindi mo na kailangang kainin pa ’yan dahil garnish lang ’yan!” natatawang pag-awat sa akin ni Kryz nang muntik ko nang isubo ang dahon na nakalapag sa aking plato.

“Ha? Bakit hindi pwede? Walang dapat na natitira sa plato dahil sayang!” pakikipagtalo ko naman dito.

Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Oliver mula sa aming tapat.

“Tama si Kryz, Weldy. Dekorasyon o palamuti lang ’yan para mas magandang tingnan ang pagkain. Ginagawa rin ’yan para mas presentable ang mga pagkain na sine-serve dito sa restaurant.” paliwanag naman nito habang nakangiti.

Napaisip naman ako sa kanilang sinabi. Kung gano’n, hindi pala lahat ng nakalagay sa plato ay dapat kainin? Eh, bakit pa nila ’yon isinasama? Saan ’yon mapupunta?

Gusto ko pa sanang makipagtalo pero pinili ko na lamang manahimik. Mahirap na, baka mabuking pa nila ako.

Nasa ganoon kaming tagpo nang umentrada ang bunsong si Marl na katatapos ko lang subuan ng pagkain.

“Papa, si Daddy naman ang subuan mo. Kanina mo pa kami nisusubuan ni Ate Kryz, pero si Papa hindi mo pa nisusubuan ng food.” bigla nitong mungkahi.

Natigilan ako sa kahilingang iyon ni Marl.

Susubuan ko si Dok? Aba, teka? Ano siya, bata?

Magdadahilan sana ako kay Marl ngunit mabilis naman na nagsalita si Kryz na nasa kabilang bahagi ng inuupuan ko.

“Oo nga po, Papa! Gawin mo ulit ang ginawa mong pagsubo sa kanya kagaya kahapon ng doughnut! Dali na, bilis!” tuwang-tuwa nitong pagsang-ayon sa kanyang kapatid.

Pambihira! Bakit ba tuwang-tuwa silang sinusubuan ko ang Daddy nila?! Isa pa, ang daming tao sa lugar na ito! Baka pati ang ama nila ay mahiyang gawin iyon sa harap ng maraming tao!

Unti-unti kong ibinaling ang aking paningin kay Oliver na sa tapat namin nakaupo. Umaasa akong masasaklolohan niya ako para hindi mangyari ang kagustuhan ng mga anak nito. Pero nang magtagpo ang aming mga mata ay mukhang kailangan ko nang tanggapin ang aking pagkatalo.

“Hindi ako ang may gusto nito, Weldy, kundi ang mga anak natin. Kaya sige na, subuan mo na ako. Saka kanina ko pa kayo pinagsisilbihan ng mga bata. It’s your turn naman para ako ang pagsilbihan mo.” nakangiti niyang pagsasalita habang taas-baba pa ang mga kilay nito.

Napahigpit ang kapit ko sa mga kubyertos na hawak ko. Napalunok ako at nagsimula na namang mag-ingay ang dibdib ko.

May ilang segundo rin akong nakatitig lang kay Oliver, nagbabakasakaling magbago ang isip nito. Pero habang tumatagal ang oras na nakatitig lang ako sa kanyang mukha ay parang nabablangko na ako. Hindi ko alam kung may taglay ba siyang kapangyarihan dahil nawawala ang ibang bagay sa paligid ko.

Agad kong iniwas ang aking tingin sa kanya bago pa ako mawala sa katinuan ko.

“A-ahm… A-ano bang gusto mong tikman?” nauutal kong tanong sa kanya at hindi ko pa rin siya magawang tingnan.

“Ikaw.” diretso niyang sagot sa akin.

Nanlaki ang mga mata ko.

“Ako?!” nagugulat kong tanong at nagawa ko nang tumingin sa kanya nang diretso.

Natawa naman siya saka nagsalita.

“I mean, ikaw. Ikaw ang bahala. Kahit ano diyan.” paglilinaw niyang natatawa at inginuso ang mga pagkain na nasa ibabaw ng mesa.

Napapikit naman ako kasabay ng malalim na buntong-hininga.

“S-sige… Ito na lang.” pagsuko ko at inabot ang isang parang cake na maraming prutas sa ilalim.

Nang makuha ko iyon ay siya ring pagpalakpak ng mga bata.

“Ang galing mo, Papa! Alam mo kung anong paboritong ino-order ni Daddy na dessert sa restaurant na ’to!” masayang pagbabalita ni Kryz.

“Oo nga po, Papa! English trifle ang favorite niya, eh! Siguro malapit na po bumalik ang memory mo?!” segunda naman ni Marl.

Hindi ako nakapagsalita sa mga naging reaksyon ng mga bata. Iniisip nilang magbabalik ang ala-ala ko pero hindi naman iyon mangyayari dahil kahit kailan ay hindi iyon nabura. Nagkataon lang din na itong panghimagas na ito ang una kong nakita.

Sa halip na magpatuloy pa kami sa ganoong usapin ay pinili ko na lamang na ibalik ang aking tingin kay Oliver na naghihintay sa pagkaing isusubo ko.

Kahit hindi pa rin humuhupa ang kaba sa aking dibdib ay unti-unti akong kumilos para gawin ang kanilang gusto. Nagdampot ako ng kutsara at kumuha sa panghimagas na hawak ko.

“Aahhh~~” pagbibigay ko ng hudyat kay Oliver para ibuka na niya ang kanyang bibig.

Medyo natawa muna siyang saglit bago niya isinubo ang ibinibigay ko sa kanya.

Pinanood namin ng mga bata ang kanyang pagnguya. Mukhang paborito niya nga ang panghimagas na ito dahil parang nagliwanag ang kanyang mukha. Kaya hanggang sa malunok niya ang pagkaing iyon ay nakatitig lang kami sa kanya ng mga bata.

“Masarap?” tanong ko kay Oliver habang titig na titig pa rin ako sa kanya.

Mas lalong lumapad naman ang ngiti ni Oliver bago ako sinagot.

“Mmmm!” sagot niyang tumatango. “Tikman mo para malaman mo rin.” sunod niya pang alok sa akin.

Hindi na ako nagdalawang-isip pa, mabilis din akong kumuha ng pagkaing iyon at diretso kong isinubo para malaman ang lasa.

Nang matikman ko ang panghimagas na iyon ay hindi ko na naman napigilan ang mamangha.

“Ang sarap nga!” reaksyon ko matapos ang aking paglunok. Nasundan pa iyon ng ilang beses hanggang sa halos mangalahati ang lalagyan nito.

“Ikaw naman!” utos ko kay Oliver habang sinusubuan na naman siya ng panibago.

Wala naman siyang sinabi pa at mabilis din niya iyong kinain mula sa aking kutsara. May ilang minuto rin naming pinagsaluhan iyon at abala lang naman sa panonood sa amin ang mga bata.

Nang maubos namin ni Oliver ang panghimagas na iyon ay sinimot ko pa ang natitirang krema na nasa kutsara. Wala na akong pakialam kung nakatitig sa akin ang tatlo dahil sarap na sarap talaga ako.

Natatawa ang dalawang bata, pero si Oliver ay nakangiti lang na pinagmamasdan ako. Kakaiba ang ngiti niya kaya medyo nagtaka ako.

“Bakit ganyan ang ngiti mo?” tanong sa kanya.

Sa halip na sagutin ako agad ay napakagat muna ng ibabang labi ito.

“Ang sweet naman ng asawa ko. Bukod sa sinubuan niya ako ng favorite kong dessert, iisang kutsara lang din ang ginamit namin.” sagot niya makalipas ang ilang sandali.

Natigilan ako nang marinig ko iyon mula sa kanyang bibig. Doon ko lang napag-isip-isip na tama ang kanyang sinabi, iisa nga ang kutsarang pinagsaluhan namin. Kaya naman pala kanina pa siya ngiti nang ngiti.

“Ayyiiee!! Namumula si Papa!! Kinikilig kay Daddy!!” kantiyaw ni Kryz.

“Nag-kiss na ulit sila ni Daddy!!” segunda naman ni Marl.

Hanggang ngayon ay hindi ko alam ang gagawin dahil sa nangyari. Sa sobrang hilig ko sa matatamis na pagkain ay hindi ko na nagawa pang makapag-isip.

Salitan kong tiningnan ang kutsara at si Oliver. Hindi ko alam kung ilang beses ko iyon ginawa, ngunit matapos iyon at nakita ko na lamang ang aking sarili na halos ibato na ang kutsara pabalik sa mesa. Kasunod nito ay mabilis kong tinakpan ang aking mukha dahil sa labis na hiya.

Dahil din sa nangyari ay umalingawngaw ang tawa ng tatlo sa paligid. Tila naaliw sila dahil sa naging reaksyon ko.

Nakakahiya ka talaga, France! Patay-gutom ka kasi! Ayan ang napapala mo!

Nagpatuloy sila na inaasar at pinagkakatuwaan ako. Kung hindi pa ako napilit ng mga bata na tanggalin ang aking mga kamay sa aking mukha ay mananatili na lamang kami sa ganoong tagpo. Nilambing na lamang nila ako nang paulit-ulit at nangakong hindi na nila ako aasarin muli.

Natapos kaming mananghalian at hanggang sa mabayaran ni Oliver ang aming kinain ay hindi ako sa kanya makatingin nang tuwid. Sa tuwing magtatagpo kasi ang aming mga mata ay lagi siyang ngumingiti nang matamis.

Ngayon ko pa lang kinikilala si Oliver. At ang masasabi ko lang, normal na yata sa kanya ang medyo maging malandi.

“Hintayin n’yo ako rito, ha? Bibili lang ako ng tickets saka konting food para mabaon natin sa loob.” bilin sa amin ni Oliver nang makarating kami sa sinehan na kanilang sinasabi.

“Yes, Daddy!” sabay na sagot ng dalawang bata habang hawak ko ang kanilang mga kamay. 

Tanging pagtango lang naman ang aking naisagot sa kanya ngunit hindi ako sa kanya nakatingin. Naging abala kasi ang aking mga mata sa pagtingin sa paligid.

Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa malaking mall na ito. Kakaiba sa mga pamilihan na napuntahan ko. Magkakatabi ang mga tindahan at magaganda ang mga nilalako. Sa probinsiya kasi na pinanggalingan ko ay maliit lang ang mga pamilihan na naroon at hindi kasing linis tulad dito. Maingay rin doon ang mga tindera samantalang dito ay nasa loob lang sila.

“Hala!! Ang laki ng robot!!” nabibigla kong reaksyon nang may makita ako sa isang tindahan na malaking robot.

Siguro ay nagliliwanag ang mga mata ko sa mga oras na ito. Ngayon lang kasi ako nakakita sa personal ng isang robot na mas malaki pa sa tao. Sa telebisyon lang ako nakakakita noon ng ganito kaya hindi ko mapigilan ang mamangha rito.

Hindi na ako nakapag-isip pa nang tama dahil mabilis din akong tumakbo patungo sa lugar kung saan nakatayo ang robot na iyon. Hawak ko naman ang mga kamay nina Kryz at Marl at siniguro kong hindi sila mahihiwalay sa akin.

Nang makarating ako sa tapat ng robot na nakatayo ay nakangiti pa akong tiningala ito. Parang gusto kong sumigaw sa tuwa dahil napakaganda talaga nito. Ibang-iba ito sa mga laruang robot na nahawakan ko.

Gusto ko itong mas makita pa nang malapitan kaya mabilis kong inabante ang aking ulo. Pero dahil din sa pag-abante kong iyon ay naramdaman ko ang matigas na bagay na tumama sa aking noo.

“Agghhh!! Aray!!!” malakas na pagdaing ko at napaupo ako sa semento habang sapo ang aking noo.

“Papa!!” sabay na sigaw ng dalawang bata sa tabi ko.

Parang lumilindol sa mga oras na ito dahil nahilo ako. Napapikit na lang ako dahil sobrang sakit talaga ng ulo ko.

“Ang lakas ng pagkakauntog ng lalaki!”

“Hindi niya ba nakitang may salamin doon?!”

“Kawawa naman si Kuya! Malamang may bukol ’yan?!”

’Yan ang mga narinig kong usapan ng mga taong nakapaligid sa amin sa mga oras na ito. May mga ilan din na pinagtatawanan ako.

Kahit pa nahihirapan ay pinilit kong imulat ang aking mga mata para tingnan kung ano ba ang tumama sa aking noo. At nang tuluyan kong mabuksan ang aking paningin ay doon ko lang napansin ang nakaharang sa robot na gawa sa salamin.

Gusto ko sanang awayin ang salamin na iyon dahil hindi ko siya napansin. Gusto ko siyang basagin dahil pinahiya niya ako sa harap ng maraming tao. Pero kung gagawin ko iyon, malamang ay mabansagan naman akong siraulo o kaya naman ay hulihin ako ng mga gwardiya rito.

Sapo ko pa rin ang aking noo nang unti-unti akong tumayo. Kasunod nito ay tiningnan ko ang mga taong pinapanood ako.

“Anong tinitingin-tingin n’yo?! Ngayon lang kayo nakakita ng tanga?! Alis na nga kayo! Shoo! Tsupi!” pagtataboy ko sa kanilang lahat habang naluluha ako dahil sa inis at iniindang sakit.

Nasa ganoon kaming tagpo nang marinig ko ang pagtawag ni Oliver mula sa malayo.

“Weldy!!” pagtawag nito sa akin.

Unti-unti namin siyang nilingon ng mga bata at nakita namin itong tumatakbo papalapit sa amin.

“Daddy!” pagtawag ng dalawang bata sa kanilang ama.

“Anong nangyari?!” tanong agad ni Oliver nang makalapit ito sa amin.

Si Kryz ang sumagot kay Oliver sa nag-aalala niyang tono.

“Nauntog po si Papa sa glass window, eh.” sagot nito kay Oliver.

Pambihira! Bakit kasi may harang na gano’n ang robot?! Hindi ko naman siya hahawakan, eh! Titingnan ko lang! Saka bakit kasi masyadong malinaw ang mga salamin dito?! Hindi ko tuloy iyon napansin!

Hindi ko magawang tingnan nang tuwid si Oliver dahil sa hiya. Isa pa, hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin ako ng hilo.

Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Oliver kaya mas lalo akong kinabahan. Natatakot ako na isipin niyang dakilang tanga ako.

Pero mukhang mali ang akala ko, dahil kasunod ng malalim niyang pagbuntong-hininga ay lumapit ito sa akin at hinawakan ang isang kamay ko.

“Halika muna. Umupo muna tayo para ma-check ko ’yang noo mo.” pagyaya nito sa sa nag-aalala niyang tono.

Agad akong nakaramdam ng pagkailang dahil sa paghawak ni Oliver sa aking kamay kaya mabilis ko rin iyong binawi mula sa kanya. Napansin ko rin kasi ang ilang mga tao na pinapanood pa rin ako. Naging dahilan tuloy iyon para matigilan si Oliver na nasa tapat ko.

“S-susunod na lang ako…” nauutal kong pagsasalita at hindi pa rin ako sa kanya makatingin nang tuwid.

Hindi ko makita ang kanyang reaksyon dahil sa aking pagtungo habang takip pa rin ang noo ko. May ilang segundo rin siyang nasa aking tapat hanggang sa tumalikod ito.

“Sundan n’yo ako.” seryoso niyang utos at sinimulan na rin niyang maglakad.

Agad naman namin siyang sinundan ng mga bata hanggang sa marating namin ang isang mahabang upuan na naririto rin sa lugar. Katabi sina Kryz at Marl ay umupo kami ayon na rin sa utos ng kanilang ama. Tahimik lang naman sila at bakas pa rin sa kanila ang pag-aalala.

Nang tuluyan kaming makaupo ay nasaksihan ko kung paano bahagyang lumuhod sa aking tapat si Oliver at pilit na sinisipat ang aking mukha. Dahil sa hindi ko pa rin siya kayang tingnan ay lalo lang naman akong yumuko para maitago ang aking mukha.

Natatakot ako kay Oliver. Baka pagalitan niya ako dahil para ko na rin silang ipinahiya ng mga bata. Ang tanda ko na pero nangyayari pa rin ang mga katangahan kong tulad nito.

“Weldy,” malambing na pagtawag ni Oliver sa aking pangalan. “Look at me. Gusto kong makita ang noo mo.” sunod pa nitong utos sa nag-aalala niyang tono.

Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko rin alam kung susundin ko ba ang sinabi nito.

“Sige na, ipakita mo na sa akin. Nag-aalala na kami ng mga bata dahil baka kung anong nangyari sa noo mo lalo na at ganyan ang kondisyon mo. Para sa isang tao na may amnesia kagaya mo, ang ulo ang pinakasensitibo sa ’yo.” sunod pa niyang pagkumbinsi.

Dahil yata sa sinabi ni Oliver ay mas lalo nang nag-alala ang mga bata.

“Papa… Sige na naman po… Sundin mo na si Daddy, please..?” pakiusap ni Kryz sa aking tabi.

“Sige na po, Papa… Doctor naman si Daddy, ’di ba..? Magagamot niya po kayo…” si Marl naman na parang maiiyak na sa mga oras na ito.

Oo nga pala, nawala sa isip kong nagpapanggap akong may amnesia. Kaya naman pala ganito sila kung mag-alala ay dahil iniisip nilang may mangyayari sa aking masama.

Dahil sa wala naman akong mapagpipilian ay kailangan ko na lang sumang-ayon sa gusto nila. Isa pa, ayaw ko rin naman na patuloy pa silang mag-alala. Ayaw ko rin sirain ang pamamasyal naming ito dahil lang sa pagiging tanga ko.

Dahan-dahan kong inangat ang aking mukha ngunit nanatiling takip ng isa kong kamay ang aking noo. Nang magtagpo ang aming mga mata ni Oliver ay nasaksihan ko kung paano gumuhit ang ngiti sa labi nito. Hindi ako sigurado kung pamamaraan ba ng mga doktor ang ngitian ang kanilang pasyente tulad nito, pero noong makita ko ang ngiti niyang iyon ay bahagya akong naging kalmado.

“Patingin nga?” utos niyang nakangiti. Kasunod nito ay inangat niya rin ang kanyang isang kamay para hawakan ang aking palad na ginagamit kong pangtakip sa aking noo.

Habang nakatingin ako nang diretso sa mga mata ni Oliver ay parang may kapangyarihan siyang mapasunod ako. Nagpadala ako sa marahan niyang pag-alis sa aking kamay na nasa noo ko.

Sinuri niyang mabuti ang aking noo. Akala ko ay hanggang doon lang, pero ilang segundo akong napatigil sa paghinga nang ilapit niya pang lalo ang kanyang mukha sa aking mukha.

Para akong nasasakal sa mga oras na ito. Kinakapos ako ng hininga ngayong ilang pulgada na lamang ang layo ng aming mukha.

Hindi ko na kaya.

Kailangan kong huminga.

Kaya para mabuhay pa ako, ipinikit ko na lamang ang aking mga mata.

Doktor ba talaga siya? Bakit parang papatayin niya ako sa kaba? Pambihira!

“Hhhmmm… May bukol ka, Weldy.” pagbabalita niya.

Ramdam ng aking mukha ang hangin na inilalabas ng bibig niya. Ayaw ko mang aminin sa aking sarili, pero ang bango ng hininga niya.

“Amoy colgate…” hindi ko napigilang ibulong habang nakapikit ako.

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa ganoon din ng mga bata. Doon ko lang din napag-isip-isip ang aking nagawa.

“Talaga ba, Weldy?” natatawa niyang tanong habang magkalapit pa rin ang aming mukha.

Patay ka, France! Bakit ba hindi mo mapigilan ’yang bibig mo?! Ang tanga mo! Kaya ka nagkakabukol, eh! Ang tanga-tanga mo! Nakakainis ka!

Wala akong nagawa kundi ang mas ipikit pa ang aking mga mata at muling yumuko. Hindi ako makaisip ng ipapalusot dahil kahit ang mga bata ay mukhang hindi magiging kumbinsido.

Naramdaman kong lumayo na si Oliver na siya namang ipinagpapasalamat ko.

“Dito lang kayo, Kryz. Bibili lang ako ng malamig na tubig para ilagay sa noo ng Papa ninyo.” utos ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

“Sige po, Daddy.” sagot naman ni Kryz at alam kong suot niya ang kanyang ngiti.

Ilang segundo pa ang lumipas saka ako nagdesisyong buksan ang aking mga mata. Ang akala ko ay makakahinga na ako nang maluwag dahil wala na si Oliver sa aking tapat, pero parang mas gugustuhin ko na lamang na ipikit muli ang aking mga mata dahil sinalubong ako ng nakakalokong ngiti ng dalawang bata.

“Amoy colgate ba, Papa?” tanong ni Kryz sa akin.

Hindi naman nagsalita si Marl ngunit tumawa ito na animo’y kinikiliti.

“T-tumigil nga kayo! Masakit na nga ang noo ng Papa ninyo tapos ganyan pa kayo!” pagsaway kong nauutal sa kanila. Kunwari ay nagagalit ako, pero ginawa ko iyon para makaiwas sa kanilang panunukso.

Mukhang hindi naman tumalab ang pagsaway kong iyon sa mga bata dahil mas lalo pa silang natawa. Wala tuloy akong nagawa kundi tiisin ang pangangantiyaw nila.

Naku! Pasalamat talaga sila at kailangan kong panindigan ang pagiging asawa ng ama nila! Pabor pa sa akin na maging Papa ng dalawang batang ito, eh! Kahit maging totohanan na! Pero bakit kasi may kasama pang asawa?! Tapos lalaki pa! Nakakainis! Nakakakilabot talaga!

May ilang minuto rin kaming naghintay hanggang sa makabalik si Oliver.

“Here. Ilagay mo muna diyan sa noo mo.” nakangiting utos ni Oliver sa akin habang iniaabot ang isang bote ng tubig na medyo nagyeyelo.

“Salamat…” tangi ko lang nasabi at kinuha iyon mula sa kanya para sundin ang kanyang utos.

Napapikit ako at hindi ko napigilang indahin ang sakit ng aking bukol nang madampian ito ng malamig na tubig.

“Papa, masakit pa ba?” tanong sa akin ni Marl na nagbalik ang pag-aalala. Nakita ko rin na nagbabadya na naman ang kanyang mga luha.

Ayaw ko talagang nag-aalala ang bunsong ito. Ayaw ko siyang makitang umiiyak dahil natatakot akong hikain ito.

Ngumiti ako nang tipid sa kanya kasabay ng marahang paghaplos sa buhok niya.

“Medyo, anak. Pero kaya ko naman. Malakas kaya si Papa! Sa akin ka nagmana, ’di ba?!” pilit na pinapasigla kong boses na sagot sa kanya.

Ngumuso naman siya ngunit nakita ko naman na bahagyang nabawasan ang kanyang pag-aalala. Ilang sandali pa ay narinig ko ang malakas na boses ni Kryz na nasa aking kabilang tabi.

“Alam ko na!” bigla nitong sambit na tila nabuhayan siya.

Nilingon naman namin siyang pare-pareho at naghintay kami sa pagpapatuloy nito.

“’Di ba, may tinuro ka sa aming spell dati para mawala ang sakit, Papa?! ’Yon ang lagi mong ginagawa ’pag nasasaktan kami ni Marl sa kakalaro!” pagbibigay nito ng impormasyon sa akin.

“Spell?” nagtataka ko namang tanong.

“Mmm!! May magic kang ginagawa sa amin ni Marl kapag nadadapa kami o kaya mauuntog!” pagkumpirma pa rin ni Kryz.

Wala talaga akong maintindihan. Kung spelling lang din naman, pwede ako roon basta iyong madadali lang. Pero wala pa akong naririnig na spell na nakakagaling ng bukol.

“Tama!! Naaalala ko na ang sinasabi ni Ate, Papa!!” bigla ring pagsang-ayon ni Marl na sa wakas ay nabuhayan.

Salitan ko na lamang na tinitingnan ang mga bata habang nagtataka ang aking ekspresyon. Mukhang alam naman nilang wala akong matandaan kaya hindi na rin sila nakapaghintay pa sa aking susunod na reaksyon.

Pareho silang tumayo mula sa kanilang inuupuan at sabay na nagtungo sa aking tapat. Ang kanila namang ama ay biglang natawa at tila natutuwa na animo’y makakapanood ng isang palabas.

“Ako muna, Marl, ha?!” pakikipag-usap ni Kryz sa kanyang kapatid na sinagot naman nito ng pagtango.

Kasunod ng pag-uusap nilang iyon ay lumapit pang lalo sa Kryz sa aking tapat.

“Alisin mo muna ang iced water sa bukol mo, Papa.” utos nito sa akin.

Sinunod ko naman siya at hindi na ako nagtangka pang magsalita. Hinintay ko na lang ang kanyang gagawin habang may pagtataka sa aking mukha.

“Pashing! Pashing! Ako si Fairy Kryz na aalisin ang sakit ng Papa ko! Shing!!” ang tila pagkanta ni Kryz habang nakangiti.

Matapos iyon ay dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang mukha sa akin hanggang sa halikan niya ang aking noo kung saan banda ang bukol ko.

“Ako naman! Ako naman!” si Marl naman na halos hilain ang kanyang Ate Kryz para makaalis sa aking tapat.

Tulad ni Kryz ay tumayo ito nang tuwid at nakangiting tiningnan ako.

“Pashing! Pashing! Ako si Fairy Marl na aalisin ang sakit ng Papa ko! Shing!!” pagkanta rin nito. At tulad ng kanyang Ate Kryz ay dahan-dahan din itong lumapit sa akin para halikan ang noo ko.

Sa totoo lang ay hindi naman gumana ang parang mahika na kanilang ginawa, masakit pa rin ang aking noo. Pero dahil sa ginawa ng mga bata ay nakaramdam ako ng saya. Mabilis na gumuhit ang ngiti sa akin at niyakap silang dalawa.

“Hhhmmm!! Ang cute talaga ng mga anak ko!! Mmmm!! Nawala na ang sakit ng ulo ng Papa dahil ang galing ng magic nila!!” papuri kong nanggigigil sa kanila.

Sinagot naman nila ako ng mga pagtawang napakasarap sa tenga. Pinagsaluhan namin ang masayang sandali matapos ang hindi magandang nangyari.

“Hey, enough na ’yan,” natatawang pagputol ni Oliver sa amin makalipas ang ilang sandali. “Okay lang ang Papa ninyo, nothing serious happened to him. And besides, nagamot na siya ng fairy angels niya. I think it’s time para pumasok na rin tayo sa sinehan? Nakabili na ako ng tickets. Doon na lang tayo bumili ng food sa loob dahil I’m sure, may magtitinda naman doon.” dugtong pa nitong pagyaya sa amin.

Doon lang din kami naghiwalay ng mga bata habang suot ang masayang ekspresyon sa aming mga mukha.

“Okay ka na po, Papa? Nood na tayo ng sine?” tanong sa akin ni Kryz.

“Mmm…” sagot ko namang tumatango sa kanila.

Matapos ang maikling pag-uusap naming iyon ay nagsimula na rin kaming maghanda para pumasok sa loob ng sinehan.

“Ilagay mo muna ’yang iced water sa noo mo para mabawasan ang bukol mo.” nakangiting utos sa akin ni Oliver mula sa aking tabi habang naglalakad kami.

Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon. Hindi ko siya magawang kausapin dahil pa rin sa mga nangyari kanina.

“Hala?! Ang dilim!!” reaksyon ko nang makapasok kami ng sinasabi nilang sinehan. Napahinto pa ako at parang gusto ko nang umatras at tumakbo palabas.

Narinig ko ang mahina nilang pagtawa. Kasunod nito ay hinawakan ng dalawang bata ang isang kamay ko.

“Relax lang, Papa! Ganito po talaga sa sinehan!” boses ni Marl mula sa tabi ko.

Pambihira! Ganito pala sa sinehan?! Bakit kailangang madilim? Pwede namang manood ang mga tao kahit maliwanag!

Iginaya na lang ako ng mga bata para magpatuloy sa aming paglalakad. Unti-unti na ring nasasanay ang aking mga mata sa dilim kaya kahit paano ay nakikita ko na ang anino ng aking pamilya.

“Hala?! Ang laki ng TV!!” reaksyon kong namamangha nang makita ko ang bagay na iyon. May palabas na rin dito pero mukhang patalastas lang naman.

Muling natawa ang tatlo sa aking tabi.

“Ssshhh! Quiet ka lang po, Papa! Ganito po talaga sa sinehan. ’Yan po ang sine na sinasabi namin. ’Yang malaking TV na sinasabi n’yo.” si Kryz naman na pinapaintindi sa akin ang bagay na iyon.

“Aahhh…” reaksyon ko na lang na tumatango.

Ganito pala talaga sa sinehan? Masaya ako na sa wakas ay naranasan ko ito, pero naroon pa rin ang kaba na baka may kung anong mangyari sa amin sa lugar na ito. Delikado sa madidilim na lugar dahil hindi mo malalaman kung sino ang maaaring umatake sa ’yo. Baka ma-holdap kami o kaya naman ay ma-kidnap ang mga anak ko?

Hindi ako sigurado kung nasabi ko rin ba ang nasa isip kong iyon, pero nagulat ako nang biglang lumapit sa akin si Oliver para bumulong.

“Relax, Weldy. Walang masamang mangyayari sa atin dito.” wika nito.

Tulad kanina ay tanging pagtango lang ang naisagot ko.

Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa isang pwesto na may magkakatabing upuan. Hindi ko alam kung nag-usap ba ang dalawang bata, pero kusa silang naghiwalay dahilan para mapagitnaan nila kami ni Oliver.

“Ganito ang position natin tuwing nanonood tayo ng sine, Weldy. Katabi mo si Marl at katabi ko naman si Kryz. Tayo lagi ang nasa gitna ng magkapatid.” pagpapaalala sa akin ni Oliver.

Hindi ako sigurado kung nalulungkot ba siya, pero ramdam ko iyon sa boses niya. Gusto kong kumpirmahin kung tama ba ang aking hinala kaya unti-unti ay nilingon ko siya. Nakita kong nakatutok ang kanyang mga mata sa malaking TV. Siguro ay naramdaman niyang nilingon ko siya kaya muli siyang nagsalita.

“Sana, Weldy… Sana maalala mo na kami ng mga bata…” wika niya at nilingon din ako nang unti-unti.

Dahil sa liwanag na nagmumula sa malaking TV ay nakita ko ang kabuaan ng mukha ni Oliver. At doon, nakumpirma kong malungkot nga siya. Naramdaman ko agad ang pangungulila niya sa kanyang asawa.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung paano ko pagagaanin ang pakiramdam nito. Naaawa ako kay Oliver dahil sa paghahanap sa dati niyang asawa, sa dati nilang samahan na inaakala niyang nasa katauhan ko.

May ilang segundo lang kaming nakatingin sa isa’t isa hanggang sa unti-unti akong ngumiti sa kanya. Hindi ko alam kung tama pa ba ang aking ginagawa, pero natagpuan ko na lamang ang aking sarili na unti-unting hinawakan ang kamay niya.

“Manood na tayo, Daddy?” pagyaya kong nakangiti sa kanya.

Nasaksihan ko kung paano siya natigilan habang nanlalaki ang kanyang mga mata. Ilang segundo rin iyon hanggang sa sumilay ang magandang ngiti niya.

“Mmmm…” sagot niyang tumatango. Kasunod nito ay naramdaman ko ang paghigpit ng pagkakahawak niya sa kamay ko.

Nagsimula ang palabas na aming pinapanood. Mukhang natutuwa naman ang mga bata dahil tutok na tutok sila rito. Nakalimutan na nga yata nilang naririto kami ni Oliver dahil hindi namin sila maistorbo. Kami pa ang nagsasabi na may pagkain silang hawak kaya kailangan nilang ubusin ang mga ito.

Habang nagpapatuloy ang palabas ay hindi rin nagbibitiw ang kamay namin ni Oliver. Hindi ko na nga maintindihan ang palabas dahil iniisip ko pa rin kung tama pa ba ang nangyayaring ito. Hindi ko alam kung dapat ko pa bang panindigan ito. Pero dahil sa nakita kong lungkot kanina ni Oliver ay nauwi ito sa ganito.

May kung ano sa aking loob na hindi ko maipaliwanag. Hindi ako sigurado, pero sa isang sulok ng aking pagkatao ay may damdamin akong gusto kong mapasaya ang lalaking ito. Kaya noong makita kong napangiti siya kanina ay tila ba mas nabuhayan ako.

Naguguluhan ako. Ano ba itong damdamin na gumugulo sa sistema ko? Anong mayroon si Oliver at anong ginawa niya sa akin para maramdaman ko ang bagay na ito?

Dahil sa labis na pag-iisip ay napailing ako at napayuko. Nawala na talaga ako sa konsentrasyon sa panonood.

“Weldy?” biglang tanong sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

Muli kong inangat ang aking paningin para tingnan siya. Umaasa akong sa oras na makita ko ang kanyang mukha ay makakakuha ako ng sagot sa mga bagay na nakakapagtaka.

“Okay ka lang?” tanong niyang nag-aalala.

Huminga ako nang malalim bago sinagot ang katanungan niya.

“Hindi.” tapat kong sagot sa kanya.

Hindi naman talaga ako okay. Naguguluhan ako sa mga oras na ito. Naguguluhan ang isip at damdamin ko. Hindi ko maipaliwanag ang uri ng nararamdaman ko. At kahit na ilang beses ko pa yatang tingnan si Oliver ay hindi nito masasagot ang katanungan ko.

“Masakit pa ba ang bukol mo?” tanong niyang muli sa akin.

Hindi. Hindi na masyadong masakit ang bukol ko kaya nga tinanggal ko na rin ang malamig na tubig na inilalagay ko rito. Pero pakiramdam ko, masakit ang dibdib ko. Parang sumisikip ang bawat paghinga ko tuwing nakikita ko ang maamong mukha ng lalaking ito.

“U-uuhhmm… M-masakit pa…” pagsisinungaling ko na lang kay Oliver. Iyon na lang ang isinagot ko dahil naguguluhan pa rin ako.

Nakita ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga. Kasunod nito ay ngumiti siya na lalong nagpasikip sa aking paghinga.

“Halika rito.” utos niya sa akin at dahan-dahan niyang inilagay ang kanyang isang kamay patungo sa likod ng aking ulo. Hindi naman niya inaalis ang mahigpit na pagkakahawak ng isa niyang kamay sa isa kong kamay noong igaya niya ako para makalapit sa kanyang pwesto.

Sa tingin ko ay may kapangyarihan nga talaga ang tulad niyang doktor. Dahil tuwing may gagawin o sasabihin si Oliver sa akin ay napapasunod na lang ako nito.

“Susubukan kong alisin ang sakit.” nakangiti niyang mungkahi sa akin habang magkalapit ang aming mukha.

Hindi na naman ako nakapagsalita. Napapansin kong isa ito sa mga naging pagbabago sa akin nitong huli, nawawala na yata talaga ako sa aking sarili.

May ilang segundo pa kaming nakangitin sa isa’t isa ni Oliver. Hindi niya inaalis ang kanyang ngiti hanggang sa simulan niyang gawin ang kanyang pakay.

“Pashing. Pashing. Ako si Fairy Oliver na aalisin ang sakit ng asawa ko. Shing!” malambing na pagsasalita ni Oliver habang tuwid na nakatingin sa mga mata ko.

Ginaya niya ang kinanta ng mga bata kanina. At tulad din ng ginawa ng kanyang mga anak, dahan-dahan din si Oliver na inilapit ang kanyang sarili para halikan ang aking noo na may bukol.

Naramdaman ko ang mainit niyang labi na nakadikit sa aking noo. Siguro nga ay may kapangyarihan talaga siya, dahil nang maganap ito ay kusa na lamang pumikit ang aking mga mata.

Ang alam ko ay madilim dito sa loob ng sinehan, pero habang nakapikit ang mga mata ko, parang bigla naman nagliwanag ang paligid ko. Nawala na rin ang tunog na nagmumula sa palabas na pinapanood namin dito. Wala na akong marinig sa mga oras na ito kundi ang malakas na pagtibok ng puso ko.

Hindi ko alam kung gaano kami katagal sa ganoong posisyon ni Oliver. Nagising na lang ako mula sa isang magandang panaginip nang unti-unti niyang alisin ang kanyang labi mula sa aking noo.

“Masakit pa ba?” tanong niya habang magkalapit ang aming mukha.

Pigilan ko man ang aking sariling ngumiti ay hindi ko na nagawa.

“Hindi na…” sagot kong nakangiti sa kanya.

Matapos ang bagay na iyon ay nagbalik na rin kami sa panonood na dalawa. Magkahawak pa rin ang aming mga kamay habang may magandang ngiti sa aming dalawa.

Natapos ang aming panonood at halos hindi magkamayaw ang pagkekwento ng mga bata dahil sa ganda ng napanood nila. Nag-uunahan pa silang magkwento sa amin ni Oliver na animo’y hindi nila kami nakasama.

Oras na para lumabas kami ng sinehan. Noong makatayo kami sa aming mga silya ay doon lang din naghiwalay ang aming mga kamay ni Oliver dahil nagbalik na rin sa posisyon ang mga bata sa aming gitna.

Madilim pa rin sa aming dadaanan bago kami makalabas sa pinto ng sinehan. Hindi ko maipaliwanag, pero tila ba nakakaramdam ako ng panghihinayang na hindi ko na hawak ang kamay ng ‘asawa’ ko. Dahil din yata sa panghihinayang na iyon ay nakita ko na lamang din ang aking sarili na unti-unting inangat ang kamay kong hawak kanina ni Oliver at inamoy ito.

“Hhmm… Ang bango…” bulong ko habang nasa tapat ng aking bibig at ilong ang kamay ko.

Nagpatuloy kami sa pamamasyal na magpamilya. Marami pa kaming pinuntahan at mas lalo akong namangha sa aking mga nakita. Nagtungo rin kami sa isang malaking palengke na ang tawag nila ay grocery. Namili kami ng mga kakailanganin sa bahay kabilang na ang mga pagkaing maaari kong lutuin.

Ang orihinal naming plano ay kakain kami ng hapunan dito, pero lahat sila ay nagkasundo na sa bahay na lang namin gagawin iyon dahil gusto nilang ako mismo ang magluto. Wala naman akong nagawa dahil gusto ko rin ang bagay na iyon. Napapasaya kasi nila ako tuwing nakikita kong nasasarapan sila sa mga inihahanda ko.

Sakay ng kotse ni Oliver ay sa likod na bahagi ng upuan kami ng mga bata pumwesto. Kaiba ito kanina noong nagpunta kami ng mall dahil sa unahan at sa tabi ako ni Oliver na nagda-drive umupo. Kailangan ko kasing pahigain ang mga bata sa aking kandungan na nakaramdam na yata ng pagod kaya gusto nilang matulog.

Katahimikan ang bumalot sa biyahe habang binabaybay namin ang daan patungo sa aming bahay. Walang nagsasalita sa amin ni Oliver, pero hindi ko mabilang kung ilang beses kaming nagtitinginan sa salamin na nasa kanyang bandang unahan.

Wala naman kaming binibigkas na salita, pero tuwing magtatagpo ang aming mga mata ay kusang gumuguhit ang ngiti sa aming mukha. Dapat ay siya ang unang iiwas sa paningin naming iyon dahil siya ang nagmamaneho, pero ako rin ang unang iiwas at itutuon sa labas ang mga mata ko. Ewan ko, pero parang sasabog kasi ang dibdib ko kung magtatagal pa ako sa pakikipagtitigan sa magandang mga mata ng ‘asawa’ ko.

Nang malapit na kami sa aming bahay ay sinabihan ako ni Oliver na gisingin na rin ang mga bata. Baka raw magtuloy-tuloy ang kanilang tulog at hindi na makakain ng hapunan ang mga ito.

Naiparada ni Oliver nang maayos ang kanyang kotse sa aming garahe. Pero mula rito sa loob ng kotseng aming sinasakyan ay agad na rumehistro sa akin ang pagtataka nang may makita akong hindi pamilyar na mukha na nakatayo sa may bandang pinto ng bahay.

“Tito Michael?!!” sabay na sambit nina Marl at Kryz nang makita ang taong iyon.

Mukhang tuwang-tuwa ang mga bata na makita ang lalaking iyon dahil mabilis din silang kumilos para lumabas ng kotse. Sinundan ko naman sila sa pag-aalalang baka madapa sila.

“Tito Michael!!!” sigaw ng dalawang bata at agad na niyakap ang lalaki.

“Kryz! Marl! Na-miss kayo ng Tito! Kamusta ang mga pamangkin ko?!” masayang salubong din ng lalaki at kinarga pa ang dalawang bata.

Hindi ko alam ang dapat na ikilos dahil hindi ko kilala ang lalaki. Ang nagawa ko na lamang ay tingnan sila habang nagtatawanan at nagkakamustahan.

“Michael, kamusta?” biglang pagsulpot naman ni Oliver mula sa aking likod. Sinundan din pala niya kami agad.

Ibinaba muna ng lalaki sina Kryz at Marl bago niya sinagot si Oliver.

“Ayos lang.” tipid niyang sagot dito.

Matapos niyang sagutin si Oliver ay halos mapaatras ako nang unti-unti niyang ibaling sa akin ang kanyang paningin. Nakaramdam ako ng pag-aalala nang tingnan niya ako simula ulo hanggang paa. Hindi lang iyon, napansin kong nabawasan din ang ngiti niya.

Pinagmasdan ko rin siyang mabuti. Matangkad siya at moreno ang balat. Matikas at medyo malaki rin ang pangangatawan. May singkit siyang mga mata na nababagay sa hugis ng kanyang mukha.

May ilang segundo rin naming sinusuri ang isa’t isa ng lalaki hanggang sa pumagitna sa amin si Oliver.

“Ahm… Weldy, ipapakilala ko siya sa ’yo,” panimulang pakikipag-usap sa akin ni Oliver. “Siya si John Michael pero tawagin mo na lang siyang Kuya Michael. Siya ang nag-iisa mong kapatid. Siya ang sinabi ko sa ’yong Kuya mo.” dugtong pa nitong pagpapakilala sa akin.

Kung gano’n, siya pala ang sinabi ni Oliver na kapatid ko noong magising ako. Siya ang natitirang tao na kamag-anak ng tunay na Weldy.

Hindi ako nakapagbigay ng reaksyon. Hanggang ngayon kasi ay nakakaramdam pa rin ako ng pagkailang sa paraan ng pagtitig sa akin ng sinasabi ni Oliver na Kuya ko.

“And, Michael, sigurado naman akong kilala mo na ang kapatid mo?” may pagbibirong pakikipag-usap naman ni Oliver sa pinakilala niyang kapatid ko. “Pagpasensiyahan mo na lang din kung hindi ka niya mare-recognize sa ngayon. Kagaya nga ng sinabi ko sa ’yo, he has a serious condition kaya hindi niya tayo makikilalang lahat.” dugtong pa nitong paliwanag.

Hindi agad tumugon ang lalaking nagngangalang Kuya Michael. Saglit muna ako nitong sinuri bago siya napangisi.

“Siyempre naman, Oliver. Kapatid ko siya. Kasama ko siya mula pagkabata kaya kilalang-kilala ko siya simula ulo hanggang paa.” sagot ng lalaki habang tuwid na nakatingin sa aking mga mata.

Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa lalaking ito, pero noong sinabi niya ang kanyang mga huling salita ay kinabahan ako.


A/N

Thanks for the wait, guys! Sana ay nagustuhan n’yo ang chapter na ito! Nagbalik na naman sa pagsusulat ng mahaba ang Ate n’yo! 😓

Para nga po pala kay

unknown_krist

ang chapter na ito! Siya rin ang may gawa ng cover na nasa unahang bahagi ng chapter na ito. Try to visit his profile na rin to check his works! Support! Support! #LoveWins

Sino nga ba ang Kuya Michael ni Weldy? Ano nga ba ang magiging papel niya sa buhay ni France? Kilalanin siya sa mga susunod na tagpo!

Feel you next chapter, mga mahal ko! Salamat sa mga patuloy na nagbabasa, bumoboto at nagko-comment dito! Labyu! 😘

–– cold_deee ❤

02.12.2018

Chapter 7


FRANCE POV

Hindi talaga ako komportable sa Kuya Michael ko na ito. Maayos naman siyang makitungo sa mga bata, pero tuwing magtatagpo ang aming mga mata ay hindi ko iyon natatagalan dahil nagbabago rin ang ekspresyon niya. Nagiging seryoso siya at nagiging matalim ang tingin niya.

“Ang dami n’yong pinamili, Kuya Weldy! Eksakto naman pala na dumating si Kuya Michael kaya marami tayong maihahanda!” pagbasag ni Ate Aning sa katahimikan.

Kasama ang dalawang kasambahay rito sa kusina ay pinagtutulungan namin ngayong ayusin ang aming mga pinamili kanina. Matapos kasi ang maikling pagpapakilala sa akin ni Oliver kay Kuya Michael ay niyaya na rin kami nitong pumasok ng bahay. Nagpresenta na lang din akong tumulong kina Ate Aning sa pag-aayos dahil hindi rin ako naging komportable. Ibang-iba kasi talaga ang tingin sa akin ni Kuya Michael. Masyado iyong matalim na hindi ko kayang tagalan kahit gaano pa ako katapang.

“Ang gwapo niya talaga, ’no?” biglang pagsulpot ni Ate Loca sa aking tabi.

Nilingon ko siya habang nakakunot ang aking noo. Napansin kong parang nananaginip siya ngayon nang gising. Mapupungay ang kanyang mga mata at matamis ang ngiti niya.

“Sino?” tanong kong nagtataka kay Ate Loca.

“Ayan, si Kuya Michael.” pagkumpirma nito at inginuso nga ito.

Mula rito sa kusina ay natatanaw namin sa sala ang masayang kwentuhan at pakikipaglaro ni Kuya Michael sa dalawang bata. Mukhang magkakasundo naman sila at mukhang malapit sila sa isa’t isa. Nakikita kong alagang-alaga niya rin ang mga bata dahil nakakandong pa ito sa kanyang mga hita.

“Hoy, Loca! Mamaya na ang landi! Magtrabaho ka muna!” biglang paninita ni Ate Aning kay Ate Loca matapos niya itong itulak.

“Aray naman! Nagseselos ka lang, Aning, eh! Palibhasa! Hindi ka crush ng crush mo!” asik naman ni Ate Loca pabalik sa kanya.

Tinaasan naman siya ng isang kilay ni Ate Aning.

“At ikaw? Crush ka rin ba ng crush mo?! Hindi rin naman, ’di ba?! At kahit anong gawin mo, hindi ka niya mapapansin, ’no!” hindi rin pagpapatalo ni Ate Aning.

Hindi ko maiwasang matawa sa kanila. Madalas silang magtalo pero hindi pa naman sila umaabot sa matinding pisikalan.

“Tama na nga ’yan! Tapusin na natin ’to para makapagluto na rin ako!” natatawa kong pag-awat sa kanila.

Nakinig naman sila sa akin at nagpatuloy kami sa pag-aayos dito sa kusina, pero habang patuloy rin kaming nagtatrabaho ay kinulit din naman nila ako.

“Kuya Weldy! Matagal-tagal na rin naming crush ni Aning ’yang Kuya mo! Baka naman matulungan mo kaming hingian siya ng video greetings diyan?! Ipo-post ko lang sa Facebook!” mungkahi ni Ate Loca na abala pa rin sa pagliligpit.

Nangunot naman ang aking noo habang abala pa rin ako sa pagtatrabaho.

“Facebook?! Crush?! Anong ibig sabihin ng ‘crush’?!” tanong kong nagtataka.

Ewan ko kung ano ang mayroon sa sinabi ko, pero pareho silang natigilan dahil sa tanong ko. Dahil doon ay natigilan din ako at pareho rin silang nilingon.

“Kuya Weldy, naman! Crush lang hindi mo pa alam?!” pagmamaktol ni Ate Loca habang marahas na kinakamot ang kanyang ulo at pinapadyak ang kanyang mga paa.

Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko naman kasi alam kung ano ba iyong tinutukoy niya.

Dinampot ni Ate Aning ang bote ng toyo bago iyon ipinukpok sa ulo ni Ate Loca. Mabuti na lang pala at gawa iyon sa plastic kaya hindi iyon gaanong masakit.

“Uhm! Gaga ka! May amnesia nga si Kuya Weldy, ’di ba?! Malamang, nakalimutan niya ang ‘crush’!” pagpapaalala ni Ate Aning kay Ate Loca.

“Aray naman!” reklamo na ngayon ni Ate Loca. “Sorry na! Nakalimutan lang!” pagbawi pa nito.

Gusto ko sanang matawa sa kanilang dalawa, pero dahil hindi ako nakakuha ng sagot sa aking katanungan ay inulit ko ito sa kanila.

“Ano nga ang crush?” pag-uulit ko.

Huminga nang malalim si Ate Loca at humalukipkip pa ito. Si Ate Aning naman ay nagpatuloy na sa kanyang pagtatrabaho.

“Crush! Crush is paghanga! Ganern!” sagot nito sa akin.

“Ha?!” mas lalo ko pang pagtataka.

“Uhm! Ayusin mo ang paliwanag kay Kuya! Hindi ’to slum book!” pagsita na naman ni Ate Aning kay Ate Loca at binigyan na naman ito ng mahinang pagbatok.

“Ikaw kaya ang magpaliwanag?! Ang hirap naman talagang i-describe ang crush, eh!” balik naman ni Ate Loca kay Ate Aning habang hinihilot ang ulo niyang nakatanggap ng batok.

Hindi naman na nakapagsalita si Ate Aning, pero kasunod nito ay nagbuntong-hininga rin ito.

“Kuya Weldy,” pagtawag nito sa akin at hinarap ako. “Crush. Ito ’yong nararamdaman mo tuwing may hinahangaan kang isang tao. Maaaring tinitingala o nirerespeto. Pero kung magtutuloy-tuloy, pwedeng sa pagka-inlab mauwi ito.” sunod niyang paliwanag.

Hindi ko maintindihan. Nasa crush lang kami pero ngayon ay may salitang inlab naman.

Marahil ay nakita ni Ate Aning sa aking ekspresyon ang tila mas naguguluhan kaya hindi na nito hinintay pa ang aking susunod na katanungan.

“Ganito ’yon, Kuya Weldy. Kapag may tao kang hinahangaan, crush ang tawag doon. Maaaring dahil sa katangian niya, o kaya naman ay talento niya. Masaya ka rin kapag nakikita mo siya. Nagiging inspirasyon mo siya. May pagkakataon na gusto mong mapansin ka rin niya. Hindi kompleto ang araw mo kung hindi mo nakikita ang mukha niya. Parang kami ni Loca! Crush namin ’yang si Kuya Michael mo! Masaya kami ’pag nakikita namin siya! Dahil bukod sa gwapo, mabait pa! Gano’n ’yon!” paliwanag nito.

Medyo nakukuha ko na ang pinupunto nila. Siguro ay parang uri iyon ng pagtingala sa isang artista. Iyong masaya ka tuwing nakikita mo ito sa diyaryo o telebisyon. Magagandang bagay lang ang nakikita mo sa kanya.

“Eh, ano naman ang inlab?” pagtatanong ko na naman sa kanya.

“Sa totoo lang, ‘in love’ ’yon! Letter ‘V’! Mas nakakakilig lang pakinggan ’pag ‘inlab’!” paglilinaw nito. “Syet! In love na rin yata kami ni Loca sa Kuya mo?!” pahabol pa nito at lumawak ang kanyang pagkakangiti na animo’y kinikiliti ito.

Muli ay gumuhit ang naguguluhan kong ekspresyon. Wala talaga akong maintindihan sa paliwanag niyang iyon.

Mukhang gustong bumawi ni Ate Loca sa mga pambabatok ni Ate Aning kanina, dahil habang tila nananaginip nang gising si Ate Aning ay dumampot si Ate Loca ng isang talong at pinalo-palo iyon sa magkabilang pisngi ng kaibigan nito.

“Pabawi lang, gaga ka! Ayusin mo rin ’yang paliwanag mo! Unahin mong sagutin ang tanong ni Kuya Weldy kesa ang pagkerengkeng mo!” gigil na gigil na buska ni Ate Loca kay Ate Aning habang pinapalo-palo ng talong ang magkabilang pisngi nito.

“Ahh! Ahh! Sige pa! Sige pa!” reaksyon naman ni Ate Aning na animo’y nagugustuhan pa ang pananakit sa kanya.

Naiinis na ako! Wala akong makuhang matinong sagot sa kanilang dalawa!

“Akin na nga ’yan!” pag-awat ko na sa kanila at kinuha ang talong na hawak ni Ate Loca. “’Wag n’yong ginaganito ang talong! Sayang, eh!” pahabol ko pang paninita.

Tila ba nanghinayang pa sila nang mabawi ko ito mula sa kanila. Kung hindi lang siguro nila ako kinikilalang amo, baka ay sinampal na rin ako ng mga ito.

Totoo naman ang sinabi ko! Saan ka naman nakakita ng talong na isasampal-sampal sa mukha?! Grasya ’to! Dapat ay iniingatan ’to para makain!

“Sarey~~” sabay nilang sambit at napairap pa sila sa akin makalipas ang ilang sandali.

Kasunod nito ay inayos ni Ate Loca ang kanyang sarili at muling nagsalita.

“Para sagutin ang tanong mo, Kuya Weldy, kung ano ang in love, ako na ang magpapaliwanag sa ’yo,” panimula ng paliwanag nito.

Nanatili naman akong nakatingin sa kanya at naghintay sa pagpapatuloy niya.

“In love. Ito ’yong nararamdaman mo sa taong gusto mong makasama sa lahat ng oras. Iyong nakikita mo na ang hinaharap at ang mga darating na bukas na siya lang ang kasama mo. Iyong parang may pakiramdam ka na sa halip na mapasaya ka niya, gusto mong ikaw ang magpasaya sa kanya. Gusto mong ikaw ang pagmumulan ng kasiyahan niya. Ganern ’yon!” mahaba niyang paliwanag.

‘Iyong parang may pakiramdam ka na sa halip na mapasaya ka niya, gusto mong ikaw ang magpasaya sa kanya.’

Sa huling bahagi ng sinabi ni Ate Loca ay tuluyan na akong natigilan at hindi nakapagsalita. Iniisip ko ang kahulugan ng bagay na iyon dahil parang kanina lang ay nasabi ko iyon.

Patuloy na nag-uusap ang dalawa ngunit nanatili akong walang imik dahil pa rin sa pag-iisip. Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto akong nasa ganoong posisyon, ngunit natauhan ako nang may humawak sa aking noo at inangat ang buhok kong nakaharang dito.

“Weldy, masakit pa ba ang bukol mo?” pagtatanong ng taong ngayon ay hawak ang ulo ko.

“O-oliver…” nauutal kong pagtawag sa kanyang pangalan habang nanlalaki ang mga mata ko. Nagulat kasi ako sa biglang pagsulpot nito.

Sinuri ni Oliver ang aking noo, at habang ginagawa niya iyon ay wala akong nagawa kundi ang tingnan lang ang napakalapit na mukha nito.

Nandito na naman ang pakiramdam na parang kinakabahan ako habang nakatitig sa mukha ni Oliver. Heto na naman ang pakiramdam na parang naiihi ako dahil nanginginig ang katawan ko.

Bakit ganito? Habang nagtatagal na kasama ko ang lalaking ito sa iisang bubong ay nagsisimula na akong pagdudahan ang sarili ko. May kakaiba sa nararamdaman ko pero hindi ko rin maipaliwanag kung ano.

“Mukhang nakatulong naman ang iced water kanina dahil lumiit na ang bukol mo. Paiinumin na lang din kita ng gamot para hindi na rin ’yan sumakit.” nakangiting mungkahi ni Oliver makalipas ang ilang sandali. Binitiwan na rin niya ang aking noo at bahagya na rin siyang lumayo ng pwesto.

Tanging pagtango lang ang aking naisagot dahil hanggang ngayon ay naguguluhan ang isip ko.

“Gusto mo bang sina Ate Aning na lang muna ang magluto ngayon, Weldy? Sumama ka kaya muna sa amin ng mga bata para makausap mo rin ang Kuya mo?” muling mungkahi ni Oliver.

Hindi ko agad siya sinagot sa tanong niyang iyon. Saglit ko munang sinulyapan ang kinaroroonan ng mga bata kasama ang Kuya Michael ko sa sala.

Nang madako ang aking paningin sa kanila ay hindi ko inaasahang agad na magtatagpo ang mga mata namin ni Kuya Michael. Pero gaya nga ng napansin ko kanina, nagbabago ang kanyang ekspresyon kumpara sa kung paano niya kausapin ang aking pamilya. Matalim ang mga titig niya sa akin na naging dahilan para balutin na naman ako ng kaba.

Hindi ko matagalan ang pagkakatitig sa akin ni Kuya Michael kaya agad din akong umiwas para ibalik ang aking tingin kay Oliver.

“U-uhmm… K-kayo na lang, Oliver. Dito na lang ako sa kusina para magluto. Gusto ko rin kasing masiguro na magugustuhan ng mga bata ang kakainin nila mamaya.” nauutal kong pagtanggi sa alok ni Oliver.

“Sigurado ka ba?” paniniguro nito.

“Oo naman.” sagot kong may pilit na ngiti sa kanya.

Sa tingin ko ay hindi nakumbinsi si Oliver dahil nanatili itong nakatayo sa aking harapan. Ang ginawa ko na lamang ay mas nilawakan ko pa ang aking pagkakangiti saka muling nagsalita.

“Sige na, Daddy. Ayos lang talaga. Samahan mo na lang sila sa sala. Saka marami pa namang pagkakataon para magkamustahan kaming dalawa, ’di ba? Pwede rin namang mamaya habang naghahapunan tayo kasama ang mga bata.” mahaba kong pagkumbinsi sa kanya.

Mukhang sa pagkakataong ito ay nagawa ko na siyang mapaniwala. Gumuhit kasi ang ngiti sa kanya saka ako sinagot ng mga pagtango niya.

“Ate Aning, Ate Loca, pakitulungan n’yo na lang si Weldy, ha? Kung may mga bagay siyang itatanong, sagutin n’yo nang maayos.” pagbaling niya sa dalawang kasambahay na nasa likod ko. “’Pag hindi n’yo nagawa ang bilin ko, ibubuko ko kayo kay Michael na puro pictures niya ang nasa kwarto ninyo.” pahabol pa nitong pagbibiro.

Dahil sa aking narinig ay mabilis kong nilingon ang dalawa.

“Ito naman si Kuya Oliver! ’Wag gano’n! Baka isipin pa ni Kuya Michael, may balak kaming gayumahin siya?!” depensa ni Ate Loca.

“Oo nga, Kuya! Hanggang pantasya na nga lang kami tapos ibubuko mo pa! Sige na! Hindi naman namin pababayaan si Kuya Weldy, eh! Alam mo namang malakas sa amin ’yan! Ayaw nga naming pinagtatrabaho ’yan, ’di ba?! Nagpupumilit lang talaga!” segunda pa ni Ate Aning.

Pareho kaming natawa ni Oliver. Nakakatuwa talaga ang dalawang kasambahay nilang ito. Masyadong masayahin at tapat sa kanilang mga amo.

“Mabuti na ang nagkakaintindihan.” sagot lang na natatawa ni Oliver.

Saglit pang nagbigay ng kaunting bilin si Oliver sa dalawa hanggang sa tuluyan na itong umalis para magpunta sa sala.

“Ang sweet talaga ni Kuya Oliver sa ’yo, Kuya Weldy, ’no?! Napakaswerte mo talaga sa kanya!” papuri ni Ate Aning.

Ngayon ay abala na kami sa pagluluto ng mga kakainin namin mamaya.

Tanging pagngiti lang ang naisagot ko sa sinabi ni Ate Aning. Sa totoo lang, hindi naman talaga ako ang maswerte. Hindi ako ang mapalad na taong magkaroon ng tulad ni Oliver dahil hindi naman ako si Weldy.

Muli kong nilingon ang aking itinuturing na pamilya sa sala. Naroon sila at nagkekwentuhan habang may ngiti sa labi nila. Nang madako ang tingin ko kay Oliver ay nasorpresa akong sa akin din pala nakatuon ang paningin niya. Mas lumapad din ang pagkakangiti niya dahilan para matigilan ako sa aking ginagawa.

Nagbalik sa aking isip ang mga kaganapan sa sinehan kanina. Ang eksaktong senaryo na magkahawak ang aming mga kamay at kung paano niya ako hinalikan sa noo. At tulad ng inaasahan, habang nasa ganoon kaming pagkakatitig ni Oliver sa isa’t isa ay naramdaman ko na naman ang mabilis na pagtibok ng puso ko.

Agad kong iniwas ang aking tingin kay Oliver dahil parang sumisikip na naman ang paghinga ko. Sinubukan kong kumalma sa pamamagitan ng malalim na buntong-hininga na sinabayan pa ng pagpikit ng mga mata ko.

Kailangan kong makaisip ng ibang bagay para makalimutan ang mga nangyari kanina. Kailangan kong ibaling sa iba ang aking atensyon lalo na at alam kong nakatingin pa rin sa akin si Oliver ngayon.

“Ate Aning, Ate, Loca, mabalik tayo sa pinag-uusapan natin kanina. Magkaiba po ang ’ crush ’ sa ’ in love ’, ’di ba? Medyo naiintindihan ko na ang ’ crush ’, pero hindi ko alam kung ano ang ’ in love ’.” dire-diretso kong pagsasalita habang naghihiwa ako ng sibuyas.

Patuloy din naman sa pagtatrabaho ang dalawa hanggang sa sagutin ako ng isa sa kanila.

“’Pag in love ka, Kuya, nandoon ’yong pakiramdam na kinikilig ka kahit anong ginagawa niya. Maganda man ’yon o hindi, kinikilig ka pa rin hanggang sa mukha ka nang tanga.” sagot ni Ate Loca.

“Kinikilig? Ano ’yon?” tanong ko pa muli habang patuloy pa rin sa paghihiwa ng ibang sangkap.

“Kinikilig. ’Yan ang pakiramdam na parang hinahalukay ang sikmura mo. Parang nanginginig ang buong katawan mo. Parang kinakabahan o kinikilabutan ka dahil sa bilis ng tibok ng puso mo. Higit sa lahat, ’yong pakiramdam na parang naiihi ka pero hindi naman! Mga gano’n ba? Basta, ’yon na ’yon!” mahabang paliwanag ni Ate Aning.

Natigilan ako sa paghihiwa nang marinig ko ang paliwanag nilang iyon.

Bumibilis ang tibok ng puso? Kinikilabutan? Kinakabahan? Parang naiihi pero hindi naman?

Teka lang? Hindi ba parang nirereklamo ko ’yon kanina at nitong mga nakaraan?

“Saka malalaman mo kung in love ka na kung ayaw mo na siyang mawala pa. Tipong gusto mo na siyang alagaan at pagsilbihan habang-buhay. Lahat gagawin mo para sa kanya. Nandoon na rin ang pakiramdam na gusto mo siyang mayakap, mahalikan at makasama nang buong magdamag! Tapos no’n, ’pag lumala ’yon, mararamdaman mo nang gusto mo siyang hubaran! Tapos, luluhod ka na lang! Tapos isusubo mo na ang ti––”

“Uhm!! Napakabastos mo talaga, Loca! Kababaeng tao, napakamanyakis! Kasasabi lang ni Kuya Oliver na ayusin ang pagsagot kay Kuya Weldy, ’di ba?!” pagputol ni Ate Aning sa mahabang paliwanag sana ni Ate Loca na sinabayan pa ng mahinang pagbatok.

“Aray ko naman! Hindi pa naman ako tapos, eh! Isusubo ang TI-TU-LONG magjowa na kayong dalawa! Saka ’wag kang magmalinis, Aning! Manyakis ka rin! Ang dami mo ngang dina-download na malalaswang videos diyan sa cellphone mo, ’di ba?! Ang malala, M2M pa! Salamat sa wi-fi nila Kuya Weldy dahil enjoy na enjoy ka!” pakikipagtalo naman ni Ate Loca.

Hinayaan ko na lamang silang magtalo pang dalawa dahil nag-isip na naman ako.

Hindi naman siguro pareho ang nararamdaman kong iyon sa sinabi nina Ate Aning at Ate Loca. Oo nga at nararamdaman ko ang ilan sa mga iyon nitong mga nagdaan, pero hindi pa naman ako umaabot sa puntong gusto kong makasama si Oliver habang-buhay. Higit sa lahat, hindi pa naman ako umaabot sa puntong gusto ko si Oliver hubaran.

Sa madaling salita, hindi pa ako in love.

Baka naman talagang kinakabahan lang ako kay Oliver dahil hindi ko pa siya lubos na kilala? Higit sa lahat, hindi iyon pwedeng mangyari dahil may asawa na siya. Hindi pwede dahil may Weldy na siya.

Bagama’t marami pa akong katanungan ay sinikap kong kalimutan muna ang lahat ng iyon. Ibinalik at itinuon ko na lamang ang aking sarili sa pagluluto ng hapunan. Hinayaan ko na lamang din sina Ate Loca at Ate Aning na magkwentuhan tungkol sa mga bagay na hindi naman pamilyar sa pandinig ko. May mga salita silang binabanggit tulad ng BJ, hand job, posisyong sixty-nine at kung ano-ano pa. Sila lang din naman ang nagkakaintindihan kaya hindi na ako nakisali pa sa kanila.

Makalipas ang ilan pang sandali ay tinawag ni Oliver sina Ate Aning at Ate Loca para utusang linisin ang kwarto raw ni Kuya Michael sa taas dahil dito raw ito ngayon matutulog. Doon ko lang naisip na baka sa kanya ang isang kwarto sa taas na laging nakasara.

Naiwan ako sa kusina na inihahanda ang mga pagkaing niluto namin kanina. Dahil sa pagiging abala ay hindi ko namalayan ang pagpasok ng taong hindi ko magawang tingnan nang matagal sa mata.

“Ay, butiki!” nagugulat kong reaksyon nang makita ko siyang nakatayo malapit sa aking likod. Mabuti na lang at hindi ko nabitiwan ang mga platong hawak ko dahil sa bigla niyang pagsulpot.

Kung sa ordinaryong pangyayari ay matatawa ang taong nakasaksi sa naging reaksyon ko, iba ang taong nasa harap ko. Seryoso ang kanyang ekspresyon habang titig na titig sa mukha ko.

“K-kuya Michael…” nauutal kong pagtawag sa kanyang pangalan.

Hindi siya nagsalita o nakapagbigay man lang ng reaksyon. Habang seryoso niya pa rin akong tinitingnan ay sinimulan niyang suriin ang bawat parte ng aking mukha. Magmula sa aking mata, ilong, pisngi o kahit ang aking tenga.

Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa kanyang isip kaya hindi ko maiwasang makaramdam ng kaba. Nakakaramdam ako ng takot dahil tulad ng sinabi niya kanina noong ipakilala kami ni Oliver sa isa’t isa, kilala niya ang kanyang kapatid na si Weldy magmula ulo hanggang paa.

Tama nga naman siya. Sino bang kapatid ang hindi makikilala ang taong nakasama na niya simula pa pagkabata?

Sa kabila ng takot na nararamdaman ko sa mga oras na ito ay sinikap kong gumalaw. Kailangan kong makaiwas sa kanyang paningin dahil baka makahalata siyang hindi ako ang tunay niyang kapatid.

Kumilos ako para maglakad palayo sa kanya habang hawak pa rin ang mga plato. Pero bago pa ako tuluyang makaiwas sa kanya ay hinawakan niya ang aking braso. Naging dahilan tuloy iyon para matigilan din ako.

“Saan ka pupunta, Weldy?” agad niyang tanong sa akin habang hawak pa rin niya nang mahigpit ang braso ko.

Pinilit kong kumalma sa kabila ng takot na nararamdaman ko. Huminga ako nang malalim saka sinagot ang katanungan nito.

“Ilalagay ko lang ’tong mga plato sa mesa. Nakita mo naman, ’di ba? Naghahanda ako ng hapunan.” seryoso kong pagsasalita at nilingon siya para tingnan nang tuwid sa mga mata.

Hindi agad siya nakatugon ng ilang segundo. Naramdaman ko rin na tila natigilan siya dahil sa paraan ng pagsasalita ko.

Makalipas ang ilang sandali ay napangisi ito. Kasunod nito ay dahan-dahan niyang tinanggal ang pagkakahawak sa aking braso.

“Bumalik ka agad, ha? Gusto ko munang makipagkwentuhan sa kapatid ko.” utos nitong nakangisi sa akin. “Miss na miss na kasi kita, Weldy. Miss na miss ko na ang nag-iisang kapatid ko.” pahabol pa niya at mas lumapad na rin ang kanyang pagkakangisi.

Tulad kanina noong una kaming magkitang dalawa, parehong pangingilabot pa rin ang naramdaman ko sa paraan ng pagsasalita niya. Wala akong kakayahan na mabasa ang isip ng tao, pero ramdam kong may mali sa bawat salitang binibitiwan nito.

Mabilis akong kumilos para makaalis sa aming pwesto. Kahit nangangatog ang aking mga tuhod ay sinikap kong makapaglakad nang tuwid para hindi niya mahalata ang pagiging balisa ko.

Habang nag-aayos sa hapag ay hindi pa rin nawawala ang labis na kaba ko. Gusto ko siyang iwasan pero wala akong maisip na idadahilan. Isa pa, kung gagawin ko iyon, baka lalo niya lamang mapansin na may itinatago ako.

Wala akong magagawa sa mga oras na ito kundi ang harapin siya at ipakitang hindi ako apektado sa presensiya nito. Sinikap kong maging normal ang aking bawat kilos hanggang sa makabalik ako ng kusina para ipagpatuloy ang pag-aayos.

Naabutan ko siyang prenteng nakasandal sa ref na nasa kusina at kumakain na ito ngayon ng mansanas. Normal lang ang bawat kilos ko habang nagsasandok na ngayon ng mga ulam ng iniluto ko. Ipinagpapasalamat ko na lamang na nakatalikod din ako sa kanyang pwesto kaya hindi niya magagawang titigan ang mukha ko.

“So, how are you?” kaswal niyang tanong habang ngumunguya.

“I’m payn. Tenkyu.” diretso kong sagot sa kanya. Mabuti na lang at naintindihan ko ang sinabi niya.

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa. Masama mang hangarin ang ikapapahamak ng kapwa, hinihiling ko ngayon na sana ay mabulunan siya. Iyon lang kasi ang naiisip kong paraan para matigil na ang pag-uusap naming dalawa.

“Ibang klase ka rin, Weldy, ’no? Ang tagal nating hindi nagkita pero ang lamig ng pakikitungo mo.” komento niyang natatawa. “Sabihin mo nga, hindi mo ba na-miss ang Kuya mo?” pahabol pa nitong tanong.

Gusto kong makakuha ng ideya kahit kaunti tungkol sa kung ano ang tumatakbo sa isip niya ngayon. Ramdam kong may mali dahil sa paraan ng pakikitungo niya. Hindi ko siya kilala kaya hindi ko rin maiwasan ang mag-alala.

Napapikit ako at muling pinakalma ang sarili ko.

“Kuya Michael, alam mo namang nawala ang ala-ala ko, ’di ba? Wala akong matandaan kahit na anong bagay o kahit ang sarili ko pang pamilya. Kahit ikaw, hindi ko makikilala sa ngayon. Kaya ’wag mong asahan na sasabihin kong na-miss din kita.” mahaba kong paliwanag sa kanya. Patuloy pa rin akong naghahanda ng pagkain at sinisikap ko pa ring maging normal ang aming pag-uusap.

Muli na naman siyang natawa ngunit hindi ko na iyon pinansin pa.

“Oo nga pala! Sorry, nawala sa isip ko, Weldy!” naging reaksyon lang niyang natatawa.

Ilang segundong katahimikan pa ang sumunod na naganap. Nakiramdam ako sa kanya habang patuloy pa rin ako sa aking mga ginagawa.

“Weldy,” bigla niyang pagtawag sa aking pangalan gamit ang malalim niyang boses. Kahit sa pagtawag pa lang niya ng aking pangalan ay nakakapangilabot pa rin talaga.

“Bakit?” kaswal kong tanong pabalik sa kanya.

“Wala na tayong mga magulang.” sagot niya ring diretso.

“Alam ko. Nasabi na sa akin ’yan ni Oliver.” sagot ko rin pabalik.

“Namatay sila nang sabay sa parehong aksidente, car accident to be exact. Ang pamilya natin ang nagmamay-ari ng isa sa pinakamalaki at pribadong ospital dito sa Maynila. Bilang nakatatanda mong kapatid, ako ang nagma-manage no’n. Isa rin akong kilalang surgeon. Hindi mo ako natutulungan sa negosyo dahil bawal sa ’yo ang mapagod.” mahaba niyang pagbibigay ng impormasyon.

Natigilan ako sa biglaan niyang salaysay. Gusto ko sana siyang tanungin kung ano ang pumasok sa kanyang isip para ibahagi sa akin iyon. Naguguluhan talaga ako sa kanya at hindi ko alam kung ano ba talaga ang pakay niya. Pero sa kabilang banda, pinili ko na lamang na sakyan ang kaganapan dahil makakatulong sa akin ang mga impormasyong ibinibigay niya.

“Dahil may hika ako, ’di ba? Bawal sa akin ang magtrabaho ng mabibigat.” sagot ko na lang sa mahabang sinabi niya.

“Yeah,” sambit niya pa rin habang ngumunguya ng mansanas. “At alam mo ba kung ano pa ang nangyari matapos ang ang aksidente nina Mommy at Daddy?” pahabol niya pang tanong.

Naiikot ko ang mga aking mata at hindi ko na napigilang harapin siya matapos kong iwan saglit ang aking ginagawa.

“Kuya, paulit-ulit ko bang dapat na ipaalala sa ’yong nabura ang ala-ala ko? Kaya tigilan mo na ang pagtatanong kung anong nangyari noon dahil wala nga akong maalala!” nakasimangot kong pakikipagtalo sa kanya.

Hindi ko alam kung may nakakatawa ba sa sinabi ko, pero bigla siyang tumawa nang malakas habang nasa tapat ko ito.

Naiinis na ako. Pakiramdam ko ay iniinsulto at pinagkakatuwaan niya ako. Wala akong ideya kung paano niya pakitunguhan ang kapatid niyang si Weldy dahil wala naman sa akin naikekwento si Oliver maging ang mga bata kung sino ang Michael na ito.

Dahil sa nakikita ko sa kanya, hindi ko maiwasang isipin na hindi maganda ang pakikitungo niya sa tunay na Weldy. Pakiramdam ko ay may mali sa kanilang relasyon bilang magkapatid.

Kung ganito niya pakitunguhan ang kapatid niya noon, hindi ako papayag na gagawin niya rin sa akin ’yon ngayon. Gagamitin kong dahilan ang pagpapanggap kong nawalan ng ala-ala para hindi niya ako saktan o pakitunguhan nang hindi maganda.

Hinayaan ko siyang tumawa lang nang tumawa. Hindi ko inaalis ang aking seryosong ekspresyon habang nakatingin pa rin ako sa kanya.

“Sorry, Weldy! Sorry!” wika niya pa ring natatawa. “Natutuwa lang ako dahil walang nagbago sa ’yo kahit nawala ang memory mo! Maamo ang mukha mo pero nandoon pa rin ang tapang mo! Palaban pa rin ang kapatid ko!” komento niya pa.

Kung ganoon, may pagkakapareho rin pala kami ni Weldy sa estadong iyon. Pareho rin pala kaming hindi basta nagpapatalo lalo na kung sa tingin namin ay kami ang nasa katwiran.

Hindi pa rin ako nagsalita kaya nagpatuloy na naman siya.

“Alam mo bang sinabi ko kay Oliver na ipagamot ka? Sinabi kong pwedeng maibalik ang mga nawala mong ala-ala sa lalong madaling panahon kung dadaan ka sa therapy? Gusto ko kasing as soon as possible, maalala mo na ang lahat!” pagbabalita nito.

Kung kanina ay natigilan lang ako, ngayon ay mas lalo na akong binalot ng takot ko. Kung gano’n, may gamot pala sa sakit na iyon? At kung dadaan ako sa pagpapagot, malaki ang posibilidad na madiskubre nila ang pagpapanggap ko.

“A-anong sabi ni Oliver..?” kinakabahan kong tanong sa kanya.

Mas lalong lumakas ang pagtawa niya at hindi ko pa rin alam ang dahilan no’n.

“Relax, Weldy! Relax, okay?!” sambit niya pa ring natatawa. “Ayaw niyang pumayag! Ang gusto niya kasi, kusa mo silang maalala! Gusto niyang ikaw mismo ang makadiskubre kung ano ang pinagdaanan n’yo noon bago kayo makabuo ng pamilya!” dugtong niya pang sagot sa akin.

Kahit paano ay nakahinga ako nang maluwag sa narinig kong iyon. Laking pasasalamat ko dahil iyon ang nabuo ni Oliver na desisyon.

“Sayang nga, eh! Wala kasi akong karapatan na pangunahan si Oliver dahil siya ang asawa mo! Gusto ko kasing maalala mo na agad ako! Kahit ako lang sana?!” pahabol niya pang tila nang-aasar.

Ngayon lang siguro ako magpapasalamat na nagpanggap akong asawa ng isang lalaki tulad ni Oliver. Dahil kung hindi, baka nasa kamay na ako ng misteryosong lalaking ito.

“Tapos ka na?” bigla kong pagtatanong sa kanya habang nakataas pa ang isang kilay ko.

Tumango naman siya bilang pagtugon ngunit nanatili ang lawak ng ngiti niya. Sa hindi ko malamang dahilan, may naaaninag pa rin akong hindi magandang bagay sa likod ng ngiti niyang iyon. Galit? Poot? Inis? Hindi ako sigurado, pero masama ang nakikita ko.

“Mabalik tayo, Weldy,” muli niyang pagsasalita matapos bumalik sa pagkakatayo nang tuwid. “Namatay ang mga magulang natin bago ka pa mag-asawa. Naiwan ka sa pangangalaga ko noon at ako na rin ang nakasama mo sa iisang bubong.” dugtong niya pa at nagbalik din ang kanyang pagkakangisi lalo na nang sabibin niya ang huli niyang litanya.

Nanatili naman akong nakatingin lang sa kanya hanggang sa magpatuloy siya.

“Narinig mo, Weldy? Tayo lang dalawa. IKAW AT AKO LANG, wala nang iba.” may diin niyang pagpapatuloy.

Muli akong nakaramdam ng pangingilabot sa huli niyang sinabi. Gusto ko sanang sumagot ngunit wala akong nagawa kundi ang mapalunok. Ramdam ko, may gusto siyang ipahiwatig sa akin pero wala pa akong makuhang ideya sa ngayon.

Sa kabila ng takot na aking nararamdaman ay sinikap kong makagalaw. Muli ko siyang tinalikuran at nagpatuloy sa aking pinagkakaabalahan.

“Noong hindi pa nawawala ang ala-ala ko, hindi pa ba ako nakapagpasalamat sa ’yo? Kung hindi pa, salamat sa ’yo, Kuya. Salamat sa pagmamalasakit mo, salamat sa pag-aalaga mo.” tila kaswal kong sagot sa lahat ng sinabi niya habang nagsasandok muli ng mga pagkaing ilalagay ko sa mesa.

May ilang segundo siyang pinalipas bago sumagot. Pero, ang mga sumunod niyang salita ang naging dahilan para balutin muli ako ng kaba.

“Minsan naman, dalawin mo ako sa bahay, Weldy… Nami-miss ko na kasi ang dati nating ginagawa, e…” malambing niyang pakiusap na sapat lang ang lakas para kami lang dalawa ang makakarinig.

Aaminin ko, natatakot na talaga ako sa lalaking ito. May kung ano sa kanya na hindi ko talaga mabasa. Ngayon pa lang kami nagkita kaya mahihirapan akong alamin ang naging samahan nila ng kapatid niya.

Tulad kanina, kahit kinakabahan ay ginawa ko pa rin ang aking makakaya para lang makapagsalita.

“Hayaan mo, Kuya Michael, dadalaw din ako sa ’yo,” una kong sagot at hinarap siyang muli habang bitbit ang mga pagkaing ihahain ko. “Dadalaw ako pero kasama ko ang mga bata at ang ASAWA KO.” nakangisi ko nang dugtong sa sinabi ko.

Matapos iyon ay mabilis ko na siyang tinalikuran dahil hindi na siya nakatugon. Siya na ang natigilan at natahimik matapos iyon.

Ramdam ko, kahit nakatalikod ako sa kanyang pwesto ay matalim ang mga mata niyang pinagmamasdan ako.

Wala akong pakialam kung nagulat siya sa ikinilos ko. Sa tingin ko ay tama lang naman ang ginawa ko. Hindi ko alam ang dahilan niya, pero sa bawat salitang binibitiwan niya ay ramdam kong may halong panganib at pagbabanta.

Noong magsimula ang hapunan namin kasama si Kuya Michael ay tila normal naman ang lahat. Nagbalik siya sa pagiging masigla at balik din siya sa masayang pakikipag-usap sa aking pamilya na tila walang naging engkwentro sa amin kanina. Maging ako ay kinakausap niya nang maayos kaya hindi mapapansin na may itinatago kami sa mga taong nasa tapat ng mesa.

Sinakyan ko naman ang palabas niyang iyon. Maayos ko rin siyang pinakikitunguhan sa harap nina Oliver at ng mga bata. Ipinakita kong hindi ako apektado sa presensiya niya.

Mukhang nakuha ko naman ang panalo sa pagkakataong ito, dahil tuwing pagsisilbihan ko si Oliver at tuwing susubuan ko ang mga bata ng pagkain ay nagiging matalim ang tingin nito. Hindi niya napapanindigan ang palabas niyang tila naaaliw ito.

Wala akong makukuhang ideya sa ngayon tungkol sa Kuya Michael ni Weldy. Pero kung sakaling tama ang hinala kong pinahihirapan niya noon si Weldy, hindi iyon ngayon mangyayari.

Dahil hindi ako si Weldy.

Ako si France. Ako ang palaban na si Francisco Castillo. Nakakaramdam man ako ng takot, wala naman sa bokabularyo ko ang sumuko. Hinaharap ko ang buhay nang buong tapang kahit pa puno ito ng pagsubok.


A/N

Nakilala n’yo na si Michael. Ano nga ba ang nagtatago sa katauhan ng taong ito? May ideya ba kayo? Chaar!!

Para po kay

ChristianCastillo290

ang chapter na ito. Ayan na, dear! Haha! Salamat sa pagtangkilik!

Feel you next chapter, guys! Salamat sa mga patuloy na nagbabasa, nabibigay ng boto, lalong-lalo na sa mga masisipag mag-comment. Salamat sa inyo! Labyu!

–– cold_deee

02.18.2018

Chapter 8


FRANCE POV

“Ayan na ako!!!” kunwari ay pananakot ko sa mga bata habang lumalangoy kami sa tubig.

Sakay ng kanya-kanya nilang salbabida ay halos hindi naman sila matigil sa pagtawa. Patuloy rin nilang ikinakampay ang kanilang mga kamay sa tubig palayo sa akin.

Nagkayayaan kami ng mga bata na maligo rito sa kanilang swimming pool. Sa totoo lang ay matagal ko nang gustong tumalon dito para lumangoy. Nahihiya lamang ako sa kanila lalo na kay Oliver kung bigla na lang ako ritong lulusong. Isa pa, hindi ko alam noon na kailangan pa palang mag-shower bago rito maligo. Mabuti na lang pala at nakapagpigil ako.

“Andiyan na si Papa, Ate!! Bilisan mo!!” tuwang-tuwa na sigaw ni Marl sa kanyang Ate dahil maaabutan ko na ito.

Kanina ko pa kinokontrol ang sarili ko na ipamalas ang kakayahan kong lumangoy. Ayon kasi sa kanila, bihira raw maligo si Weldy rito sa pool dahil madali nga raw itong mapagod. Tanging panonood lang daw ang nagagawa nito habang nagsasaya ang mga bata at ang asawa nito.

“Huli ka, Ate Kryz!!” sigaw ko nang maabutan ko ito.

Halos hindi makahinga si Kryz dahil matapos ko siyang maabot ay nagkunwari akong isang aswang na kinagat ang leeg nito.

“Si Marl naman, Papa!! Afwang na tayong dalawa kasi nakagat mo na ako!! Siya naman ang kagatin natin!!” natatawang utos sa akin ni Kryz.

Ganoon na nga ang nangyari, hila ko ang salbabidang sinasakyan ni Kryz ay hinabol namin si Marl. Noong maabutan namin ito ay sabay din naming kinagat ni Kryz ang leeg nito. Ayaw pa sana naming tigilan si Marl sa pagkagat sa kanyang leeg kung hindi lamang ito inubo. Nakaramdam kami ng takot na baka hikain ito.

“Kuya Weldy, magmeryenda muna po kayo ng mga bata!” pagyaya sa amin ni Ate Aning na kalalabas lang mula sa aming bahay. May dala siyang spaghetti at nakasunod naman sa kanya si Ate Loca na ang dala naman ay juice.

Tinulungan kong makaahon ang mga bata mula sa pool at ako na rin ang nagpunas ng tuwalya sa katawan nila. Matapos iyon ay inasikaso ko na rin sila sa pagkain nila.

Habang abala ako sa aking mga anak ay nakatayo lang naman malapit sa aming pwesto ang dalawang kasambahay.

“Kuya Weldy, ang puti talaga ng katawan mo, ’no? Nakakainggit sa kinis. Hindi kagaya nitong mukha ni Aning na parang ginagalis.” papuri ni Ate Loca sa akin.

Tiningnan ko ang aking katawan. Wala kasi akong suot na pang-itaas sa mga oras na ito kaya kitang-kita ang puti ng balat ko.

“Uhm! Bakit ako ang ginawa mong sample?! Makinis ba ang mukha mo?! Hindi rin naman, ’di ba?! Para ka ngang pinaglihi sa pimples noong pinagbubuntis ka pa!” asik naman ni Ate Aning kay Ate Loca matapos bigyan ng mahinang pagbatok ang kaibigan niya.

Natawa naman kaming mga bata sa bangayan nila. Sila talaga ang isa sa mga bumubuhay sa bahay na ito. Kahit nag-aaway sila ay nakakaaliw pa rin ang mga ito.

Nagpatuloy ang mga bata sa pagkain habang sinusubuan ko pa rin sila.

“Kuya Weldy,” pagtawag naman sa akin ni Ate Aning makalipas ang ilang sandali. “Wala bang pa-chikinini si Kuya Oliver sa ’yo diyan?” tanong nito habang may sinisipat sa aking katawan.

Agad na nangunot ang aking noo dahil sa pagtataka.

“Chikinini?” tanong ko sa kanya. Panibagong salita na naman iyon na ngayon ko pa lang narinig sa buong buhay ko.

Akmang magsasalita pa sanang muli si Ate Aning ay hindi na iyon nangyari nang bawian naman siya ni Ate Loca ng pagbatok dito.

“Uhm! Bromance na naman ’yang nasa isip mo, Aning! Nasa harap ang mga bata, oh?! Pigil-pigil din!” paninita ni Ate Loca kay Ate Aning.

Tila ba doon lang natauhan si Ate Aning kaya natigilan din ito sa ginagawa niyang pagsipat sa aking katawan. Hinilot nito ang kanyang ulo na nakatanggap ng batok at nahihiyang tumingin sa akin.

“Sorry, Kuya Weldy…” paghingi nito ng dispensa sa akin. “Sige na, ituloy mo na ang pagpapakain sa mga bata. Sa susunod ko na lang ipapaliwanag sa ’yo kung ano ang chikinini ’pag wala na sila.” sunod pa nitong pakiusap sa akin.

Tumango na lang ako sa kanya bilang pagsang-ayon. Ipinagpatuloy ko na rin ang pagpapakain sa mga bata ngunit itinatak ko sa aking isip ang salitang nabanggit ni Ate Aning kanina. Kailangan kong malaman ang kahulugan no’n dahil baka mabanggit din iyon sa akin ni Oliver bukas o sa mga susunod na araw na naririto ako sa bahay niya.

Nagpatuloy pa kami sa kasiyahan ng mga bata kasama ang dalawang kasambahay. Nang matapos namang kumain ang dalawang bata ay ako naman ang kanilang pinakain. Nagkakatuwa sila dahil nag-usap pa sila kung sino ang magsusubo sa akin ng spaghetti at kung sino ang magpapainom sa akin ng juice. Napakalambing nila kaya hindi ko na naman napigilang panggigilan sila.

Nasa kalagitnaan kami ng katuwaan nang marinig namin ang pagbusina ng isang sasakyan. Natigilan kaming lahat at nilingon ang pinanggalingan ng pagbusinang iyon.

“It’s Daddy!!” sabay na sambit ng dalawang bata habang masaya ang kanilang ekspresyon.

Agad na kumilos ang dalawang kasambahay para pagbuksan ng gate si Oliver. Ako naman ay biglang nataranta dahil mabilis na umalis ang dalawang bata mula sa aking tabi.

“Sandali! Dahan-dahan lang! Baka madapa kayong dalawa?!” pag-awat kong tumatakbo sa dalawang bata.

Narating namin ang bahagi ng hardin kung saan ipinaparada ni Oliver ang kanyang sasakyan. Halos hindi naman mapakali ang dalawang bata sa pag-aabang sa kanilang ama dahil tumatalon-talon pa sila.

“Daddy!!” sigaw ng dalawang bata nang makalabas si Oliver sa kanyang kotse.

Sinalubong naman sila ng kanilang Daddy ng malawak na ngiti. Kasunod nito ay niyakap niya ang dalawang bata at kinarga pa ang mga ito.

“How’s my kids?! Maagang nakauwi si Daddy dahil nami-miss na niya ang makukulit niyang babies!” pakikipag-usap ni Oliver kina Kryz at Marl matapos niya itong halikan sa mga pisngi.

“Masaya, Daddy! Naligo kami sa pool kasama si Papa!” masayang sagot ni Kryz.

“Nag-play din po kami ng afwang-afwang!” masayang pagbabalita naman ni Marl.

Natawa naman si Oliver dahil sa pagkaaliw sa kanyang mga anak.

“I can see! Basa pa nga ang katawan ninyo pero niyakap n’yo na agad si Daddy!” pagbibiro naman ni Oliver sa kanila.

Mukhang dahil sa pananabik ay ngayon lang iyon napansin ng mga bata kaya tiningnan nila ang damit ni Oliver na ngayon ay basa na.

“Sorry, Daddy…” sabay na sambit ng dalawang bata.

Mas lalo natawa si Oliver dahil sa mga naging reaksyon nila.

Dahil sa wala na yatang balak na bumaba pa ang mga bata mula sa pagkakabuhat sa kanila ng kanilang ama ay kinailangan ko nang sumingit sa pag-uusap nila. Alam kong pagod si Oliver kaya kailangan nito ng pahinga.

“Kryz, Marl,” pagtawag ko sa kanila habang humahakbang patungo sa tapat nila. “Halika na kayo. Bumaba na muna kayo kay Daddy dahil baka nabibigatan na rin siya sa inyo.” nakangiti ko pang utos sa kanila.

Dahil sa aking biglang pagsasalita ay nilingon nila akong lahat. Napangiti naman ang dalawang bata at dahan-dahang nagpababa sa kanilang ama.

Habang ibinababa ni Oliver ang dalawang bata ay napansin kong nag-iba ang ekspresyon nito. Nakatingin siya sa akin ngunit bahagyang nanlalaki ang mga mata nito.

Nangunot ang aking noo dahil sa pagtataka. Hindi kasi ako sigurado kung galit ba siya dahil seryoso ang ekspresyon niya. Hindi lang iyon, nawala rin ang pagkakangiti niya nang unti-unti niyang ibaba ang kanyang paningin mula sa aking mukha patungo sa katawan kong walang suot na pang-itaas.

Nasa ganoon kaming tagpo nang basagin ni Ate Loca ang katahimikan sa paligid.

“Ehem!” pagtikhim ni Ate Loca. “Kuya Oliver, itong mga pagkain at damit mo lang ba ang ilalagay namin sa loob ng bahay? Maiiwan na lang po ba ang iba n’yong gamit sa loob ng kotse?” pagtatanong pa nito.

Tila ba doon lang natauhan si Oliver kaya mabilis niyang hinarap si Ate Loca para sagutin ito.

“A-ahm… S-sige. D-diyan na lang muna ang mga ’yan.” nauutal at tila ba natatarantang sagot ni Oliver sa kasambahay.

Pinagmasdan lang namin sina Ate Loca at Ate Aning habang kinukuha mula sa loob ng kotse ang mga gamit ni Oliver. Nang matapos sila ay diretso na rin silang humakbang papasok ng bahay. Pero habang sila ay naglalakad, narinig pa namin ang mahina nilang pag-uusap na sinasabayan pa ng kanilang mahinang pagtawa.

“Syet! Feeling ko may pa-chikinini na si Mayor mamaya?!” pigil na pagtili ni Ate Aning.

“Sshhh! Manahimik ka nga! Pigilan mo naman ’yang libido mo! Napakalandi nito!” pagsaway naman ni Ate Loca kay Ate Aning. “Pero feeling ko nga rin, Aning! Matagal-tagal na rin akong hindi nakakarinig sa hating-gabi ng halinghing!” pahabol pa nitong reaksyon.

Mukhang narinig din iyon ni Oliver kaya hindi nito napigilan ang putulin ang pag-uusap ng dalawang kasambahay nito.

“Bibilisan n’yo bang magtrabaho o babagalan ko ang pagpapasweldo sa inyo?” tanong ni Oliver sa dalawang kasambahay.

Dahil sa sinabi ni Oliver ay nataranta sila kaya tumakbo na rin sila.

“Sorry, Kuya!!” sigaw nilang dalawa.

Natatawa na lang habang napapailing sa kanila si Oliver. Kami naman ng mga bata ay nanatiling walang reaksyon dahil wala rin kaming naintindihan sa pag-uusap nilang iyon.

Nang makaalis ang dalawang kasambahay ay muling binalingan ni Oliver ang dalawang bata. Bahagya siyang tumungo para magpantay ang kanilang mga mukha.

“Malapit nang maggabi. Tama na ang paliligo sa pool, ha? Baka magkasakit kayo niyan?” pag-aalala nitong nakangiti sa kanyang mga anak.

Ngumuso naman nang sabay ang dalawang bata dahil siguro sa panghihinayang. Mukhang gusto pa nilang maligo sa pool tulad ko. At dahil din sa sinabing iyon ni Oliver ay napanguso rin ako. Ginaya ko ang mga bata dahil napansin kong cute ang nakanguso.

Naligaw ang mga mata ni Oliver sa akin at nasorpresa ako nang bigla itong matawa. Dahil doon ay gumuhit na naman sa akin ang pagtataka.

“Stop it, Weldy! You shouldn’t do that in front of me!” natatawa niyang pagsaway sa akin.

Medyo naintindihan ko ang sinabi niyang ‘stop’, pero ang iba pa ay hindi na. Dahil doon ay gumana ang pagkaatat kong malaman ang tinutukoy niya.

“Anong dapat ma-stop?” tanong ko sa kanya.

Mas lalo siyang natawa. Kasunod nito ay tumayo siya nang tuwid at inilagay ang kanyang dalawang kamay sa bulsa niya.

“Itigil mo ’yang pagnguso mo,” sagot niyang natatawa sa akin. “Nakaka-tempt kasi!” pahabol niya pang medyo pabulong.

Sa hindi ko malamang dahilan ay parang naaaliw ako sa naging reaksyon ni Oliver. May kung ano sa akin na parang gusto kong makitang ganito lang lagi ang kanyang magiging reaksyon tuwing nagkakaroon kami ng komunikasyon.

“Alin? Iyong ganito?” tanong ko sa kanya at muli akong ngumuso.

Matapos kong gawin iyon ay mas lalong lumakas ang tawa nito. Maging ang mga bata ay hindi napigilan ang matawa dahil sa ginawa ko.

Pinagmasdan ko lang ang tatlo na patuloy sa kanilang pagtawa. Matapos iyon ay hindi ko na rin napigilan ang matawa. Ngayon ko lang kasi naisip na mukha akong tanga.

“Tama na nga!” natatawang pagputol na ni Oliver makalipas ang ilang sandali. “Sige na, kids, pumasok na kayo sa loob para makapagshower na rin! Bumili na rin ako ng food para sa dinner. ’Wag muna natin pagurin ang Papa ninyo sa pagluluto ngayong gabi.” utos pa nito sa dalawang bata.

“Yes, Daddy!!” pagsang-ayon naman nina Kryz at Marl. Kasunod nito ay mabilis din silang tumakbo para pumasok sa bahay.

Agad na naman akong nataranta dahil sa pag-aalalang baka madapa sila. Susundan ko sana sila ngunit natigilan ako nang biglang hawakan ni Oliver ang aking pulsuhan dahilan para lingunin ko siya.

“Weldy, wait!” pagpigil nito sa akin habang mahigpit na hawak ang aking pulsuhan.

“Bakit?” tanong ko naman pabalik sa kanya. Kasunod nito ay nilingon ko na naman ang mga bata.

“Hayaan mo na sila. Alam kong nag-aalala ka, pero ’wag mo silang masyadong ini-spoil para maging independent din sila. Kailangan, paminsan-minsan ay tumayo sila sa sarili nilang mga paa.” utos nito sa akin.

Mabuti na lang at naipaliwanag niya nang maayos ang bagay na iyon. Nauunawaan ko siya, kailangan ay matuto ang mga bata sa sarili nila. Pero kahit anong gawin ko, hindi maalis sa akin na mag-alala para sa kanila.

Tumango na lang ako kay Oliver bilang pagsang-ayon. Nilingon ko na lamang muli ang mga bata habang may pag-aalala pa rin sa aking mukha. Hanggang sa mawala sa aking paningin ang mga bata ay nanatiling nakatuon ang mata ko sa bahay na pinasukan nila.

Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang bahagyang pagluwag ng pagkakahawak ni Oliver sa aking pulsuhan kaya nilingon kong muli siya. Nakita ko kung paano siya nagbitiw ng matamis na ngiti habang nakatitig sa aking mukha.

Aaminin ko, nakakaramdam pa rin ako ng pagkailang tuwing magkakatinginan kami pero hindi na tulad ng dati. Siguro ay nasasanay na ako dahil ilang beses na rin naman itong nangyayari.

“Bakit na naman? Bakit ka ba ganyan makatingin sa akin? Nakakatakot ka na minsan, Oliver, alam mo ba? Parang kang halimaw na kakainin ako nang buhay.” hindi ko napigilang pagtatanong sa kanya.

Nang sabihin ko iyon ay nagpakawala na naman siya ng malakas na tawa. Naramdaman ko rin na muling humigpit ang pagkapit niya sa aking pulsuhan na parang ayaw na niyang pakawalan pa.

“Bakit ba ang cute mo?!” tanong niya sa aking natatawa.

Napataas naman ang isang kilay ko.

“Anong cute sa sinabi ko?! Lahat na lang ng gagawin ko, cute?! Akala ko ba ’pag ngunguso lang ako?!” pakikipagtalo ko sa kanya.

Napatigil siya sa kanyang pagtawa ngunit nanatili ang pagkakangiti niya. Kasunod nito ay gumuhit ang may pagkapilyong ngiti niya.

“Sige nga? Patingin nga ng pagnguso mong cute?” utos niya sa akin.

May kung ano talaga sa akin na gustong-gusto kong makita na ganito kasaya si Oliver. Higit pa roon, may kakayahan siyang mapasunod ako sa mga sinasabi nito.

“Ganito ba?” tanong ko at muling ngumuso sa kanya.

Mukhang wala nang katapusan ang kanyang pagtawa. Napansin ko pang pulang-pula na ang kanyang mukha habang nakatuon sa akin ang mga mata niya.

“Tara na nga! Sundan na natin ang mga bata!” pagyaya na niya sa akin makalipas ang ilang sandali.

Sinagot ko naman siya ng mga pagtango habang nakangiti. Napakasarap sa mata na napapatawa at napapangiti ko ang pamilyang ito. Kung pwede lang hilingin na sana ay wala nang katapusan ito.

Nagsimulang maglakad si Oliver at sinundan ko ito. Wala akong magagawa kundi ang sundan ang kanyang mga pagyapak dahil nanatili ang pagkakahawak niya sa pulsuhan ko.

May ilang hakbang na kaming nagagawa nang maramdaman ko ang pagkakaluwag ng kanyang pagkakahawak. Sa hindi ko malamang dahilan ay parang nakakaramdam ako ng panghihinayang. Parang may kung ano sa akin na ayaw kong magbitiw ang aming mga kamay.

Nagpatuloy pa siya sa pagbitiw sa aking pulsuhan habang kami ay naglalakad. Pero makalipas ang ilang sandali ay hindi ko rin naiwasan ang mapangiti.

Wala palang balak na bitiwan ni Oliver ang pulsuhan kong iyon, dahil pinadausdos niya lamang ang kanyang kamay para sa mga pagitan ng aking mga daliri ilagay. Ngayon, sabay na kaming naglalakad na mahigpit ang pagkakahawak sa isa’t isa ang kamay.

Dumating ang hapunan naming magpamilya. Naging masaya iyon at napuno ng tawa. Ang cute kasi ng mga bata habang nagkekwento ng mga pangyayari sa aming paliligo kanina. Nagpakwento pa nang nagpakwento ang kanilang ama kaya mas lalong ginanahan ang dalawa.

Hanggang sa dumating ang oras para sa pagtulog ng mga bata ay buhay na buhay sila. Kung kanina ay napigilan ako ni Oliver na asikasuhin sila, sa pagkakataong ito ay nagpumilit na ako. Wala siyang nagawa kundi ang panoorin lang ako sa ginagawa kong pagbibihis sa mga bata at paglalagay ng mabangong pulbo sa mga likod nito.

Nang maihatid ko ang mga bata sa kanilang kwarto ay bahagya pa akong nagtagal dahil nagpabasa pa sila ng kwento. Mabuti na lang talaga at marunong akong magbasa, pero may mga pagkakataon pa rin na tinuturuan nila ako sa tamang pagbigkas ng ilang mga salita. Ingles kasi ang libro na mayroon sila kaya wala akong nagawa kundi ang mangapa.

Wala sana akong balak na iwan sila hanggang sa sila ay makatulog, pero nagpumilit na silang makalabas ako ng kwarto sa pag-aalalang baka mapuyat ako. Paulit-ulit nilang pinapaalala sa akin na may hika ako kaya kailangan ko na ring magpahinga.

Nang makarating ako sa kwarto namin ni Oliver ay nadatnan ko siyang inaayos na ang sofa na kanyang hihigaan. Ganito na ang aming nakasanayan tuwing naririto siya sa kanyang bahay at wala sa ospital.

Nahihiya ako sa kanya dahil alam kong hindi siya komportable sa hinihigaan niya. Malaki kasi siyang tao at masikip ang kanyang pwesto, pero heto siya, mas iniisip ang kapakanan ko.

Nang magtagpo ang aming mga mata ni Oliver ay mabilis na ngumiti ito.

“Natutulog na ba sila?” tanong niya sa akin na ang tinutukoy ay ang mga anak niya.

Humakbang ako patungo sa kama saka umupo roon bago sinagot ang tanong niya.

“Hindi pa. Pinagtulakan na nila ako palabas, eh. Baka raw kasi mapuyat ako.” sagot ko naman sa kanya.

Hindi na siya nagtanong pang muli matapos iyon, nagpatuloy na rin siya sa ginagawa niyang pag-aayos sa kanyang hihigaan.

Pinapanood ko lamang siya, pero kasunod nito ay hindi ko napigilang kausapin siya.

“Oliver,” pagtawag ko sa kanya.

“Hhhmm?” tanong naman niya pabalik habang patuloy pa rin sa kanyang ginagawa.

May ilang segundo rin akong pinalipas hanggang sa muli akong nagsalita.

“Gusto mo bang magpalit muna tayo? Ako muna diyan sa sofa, ikaw naman dito sa kama.” pag-aalok ko sa kanya.

Natigilan siya sa kanyang ginagawa at dahan-dahan akong nilingon. Naghintay ako sa kanyang magiging reaksyon sa aking sinabi ngunit nanatili siyang sa mata ko lang nakatuon.

“Okay lang naman na diyan ako matulog, eh. Iniisip ko rin kasi na pagod ka na nga sa trabaho tapos hindi ka pa makakapagpahinga nang maayos. Minsan ka lang din umuwi rito pero heto, sa sofa ka pa natutulog.” pagkumbinsi ko pa sa kanya dahil sa pag-aalala.

Matapos ko iyon sabihin ay nagbalik ang malawak na pagkakangiti niya.

“Okay lang ako, Weldy. Mas makakatulog ako nang maayos kung alam kong komportable ka ring nakakatulog.” pagtanggi nito sa akin.

Wala akong maisagot sa sinabing iyon ni Oliver. Hindi ko maiwasang humanga sa kanya dahil sa paraan ng kanyang pag-aalaga. Maswerte talaga si Weldy sa kanya, mapagmahal at napakabait niyang asawa.

Nasa ganoon kaming tagpo ni Oliver nang may marinig kaming pagkatok mula sa pinto.

“Daddy?!”

“Papa?!”

’Yan ang mga narinig naming mga pagtawag mula sa labas nitong kwarto habang patuloy na kinakatok ang pintuan nito.

Nangkatinginan kami ni Oliver at parehong gumuhit ang pagtataka sa amin nito. May pagtatanong sa aming mga mukha kung bakit naririto ang dalawang bata sa aming kwarto.

Kikilos sana si Oliver para tunguhin ang pinto ngunit mabilis din akong tumayo.

“Ako na, Oliver!” pagpepresenta kong pagbuksan ng pintuan ang mga bata.

Nang tuluyan kong marating ang pintuan ay agad ko rin itong binuksan.

“Papa!!” sabay na sambit ng dalawang bata nang makita ang aking mukha. Nakataas pa ang kanilang mga kamay na may hawak na stuff toys na tila gusto nilang manorpresa.

Agad akong lumuhod sa kanilang tapat para magpantay ang aming mga mukha.

“Bakit hindi pa kayo natutulog na dalawa? Akala ko ba matutulog na kayo?” tanong kong nagtataka sa kanila.

Napakamot naman ng ulo si Kryz na ginaya naman ni Marl. Naghintay ako sa kanilang magiging kasagutan ngunit ang ginawa nila ay nagtinginan.

“Ikaw na magsabi, Marl!” utos ni Kryz sa kanyang kapatid.

Gumuhit ang pagkadismaya kay Marl bago sinagot ang Ate nito.

“Bakit ako, Ate?! Sabi mo kanina ikaw, ’di ba?!” pakikipagtalo nito sa kanyang Ate.

“Eh, nahihiya ako, eh!”

“Ako rin naman, ah?!”

“Ikaw na kasi!”

“Ikaw na nga!”

Nagpatuloy sila sa pag-uusap na dalawa na parang wala ako sa harapan nila. Nagbakasakali akong makakakuha ng ideya kung bakit sila naririto sa pagitan ng kanilang pagtatalo, ngunit wala talaga akong maintindihan sa mga nagaganap dito.

Nasa ganoon pa rin silang tagpo nang dumating ang kanilang Daddy na hindi ko namalayang nakalapit na pala sa aming pwesto.

“Kryz, Marl, tinatanong kayo ng Papa n’yo kung bakit hindi pa kayo natutulog, ’di ba? Sagutin n’yo siya nang maayos.” seryosong pagputol ni Oliver sa pagtatalo ng dalawa.

Natahimik naman sila at napayuko dahil sa hiya. Ayaw kong nakikitang ganito ang kanilang ekspresyon kaya nagbitiw ako ng ngiti sa kanila. Sinundan din iyon ng paghaplos ko sa kanilang mukha.

“Sige na, sabihin n’yo na kung anong gusto n’yo. Makikinig kami ng Daddy ninyo.” nakangiti kong pagkumbinsi sa dalawang bata.

May ilang segundo rin ang nakalipas bago nagawang sumagot ni Kryz. Nakayuko pa rin ito ganoon din ang bunso.

“Uhhmm… Papa, Daddy, pwede po bang dito na lang muna kami matulog ni Marl..? Nami-miss na po kasi naming matulog tayo nang magkakasama, eh…” may kahinaang boses na pagsasalita ni Kryz.

Natigilan ako sa sinabing iyon ng panganay. Hindi ko alam kung paano siya sasagutin.

“Sige na po, Daddy, please..? Malaki naman po ang bed n’yo ni Papa, eh… Saka simula po noong magising si Papa, hindi pa po tayo ulit natulog nang magkakasama…” si Marl naman ngayon ang kumukumbinsi sa amin.

Hindi ko talaga alam ang isasagot ko. Unti-unti kong nilingon si Oliver at pinarating ko sa aking tingin na siya na ang sumagot sa pagkakataong ito. Sa kanya na lang ako umaasa tutal naman ay mas kilala niya ang mga anak niya.

Nang magtagpo ang aming mga mata ni Oliver ay mababakas din ang pag-aalala rito. Mukhang kahit siya ay hindi alam ang gagawin sa mga oras na ito. Hindi ko siya masisisi dahil pareho lang kami. Sa oras na matupad ang kagustuhan ng mga bata, malalaman nilang hindi kami natutulog ng kanilang ama nang magkatabi.

Muli kong ibinalik ang aking tingin sa mga bata dahil wala akong nakuhang sagot mula kay Oliver. Susubukan ko sana silang kumbinsihin na ako na lang ang matutulog sa kanilang kwarto ngunit mukhang hindi ko matutupad ito. Nakita ko kasing unti-unti nang namumuo ang mga luha sa kanilang mga mata, bagay na nagiging kahinaan ko sa tulad nilang mga bata.

Mukhang wala na talaga akong magagawa, kailangan kong pagbigyan ang kagustuhan nila.

Ibinalik ko ang aking pagkakangiti at ganoon na rin ang paghaplos sa kanilang mga pisngi.

“Sige na nga! Gusto ko ring makatabi ang mga bulinggit na ’to, eh! Saka sabi ng Daddy ninyo, nami-miss na rin niya kayong makatabi.” masaya kong pagsang-ayon sa mga bata.

Diyos ko, sa oras na mabigyan ako ng pagkakataon na makalabas, gusto kong magsimba. Nagiging bihasa na yata ako sa pagiging sinungaling ko. Patawad po.

Mukhang hindi ko agad makukumbinsi ang mga bata dahil tiningnan muna nila ang kanilang ama para makasiguro. Ang ginawa ko naman ay mabilis na nilingon muli si Oliver para kumbinsihin din ito.

“’Di ba, Daddy? Sinabi mo ’yon sa akin noong isang gabi? Sabi mo, nami-miss mo na silang makatabi sa kama. ’Di ba?” pangungumbinsi ko kay Oliver habang pinanlalakihan siya ng mga mata.

Hindi ko siya masisisi kung nabibigla ngayon ang reaksyon niya. Hindi pa naman kasi nangyari na napag-usapan namin ang bagay na iyon.

Mukhang nakuha naman ni Oliver ang nais kong ipahiwatig kaya mabilis din niyang pinalitan ang ekspresyon niyang nabibigla. Nakuha na niyang ngumiti ngunit tila ba ito ay kakaiba. Masasabi kong tila ba naging pilyo ang ngiti niya.

Nagsimula siyang magsalita ngunit hindi siya nakatingin sa mga bata. Sa akin nakatuon ang kanyang paningin kaya bahagya akong nakaramdam ng kaba.

“Oo naman, kids. Sinabi ko ’yon sa Papa ninyo noong isang gabi. Napag-usapan namin ’yon habang magkayakap kami. ’Di ba, Weldy?” sagot nitong may pekeng ngiti.

Sinasabi ko na nga ba, may mali sa ngiti niya. Ang akala ko ay ubod na ako ng sinungaling, mas matindi pa pala si Dok!

Nagbitiw ako ng mahinang pagtawa para hindi makahalata ang mga bata.

“Oo nga, Daddy! Naalala mo pala ’yon?!” pagsakay ko sa kalokohan ni Oliver.

“Ang alin? Na magkayakap tayong natulog?” tanong niya sa akin. “Oo naman! Higit pa nga ang ginawa natin that time, Weldy! Naalala mo rin ba? Pinaliguan mo pa ako ng halik bago tayo natulog?! Ang sweet talaga ng asawa ko!” pang-aasar pa nito.

Mabilis na naglaho ang aking ngiti at napalitan ng hindi makapaniwalang ekspresyon ito. Kung pwede ko lang sipain si Oliver sa harap ng dalawang bata, baka nakasampung sipa na ako. Napakagaling gumawa ng kwento! Dinaig niya pa ako!

Dahil sa nakita ng mga bata ang naging pag-uusap namin ng kanilang ama ay natawa sila. Kahit paano ay nakahinga ako nang maluwag dahil hindi natuloy ang pag-iyak nila.

“Ang sweet talaga nina Daddy at Papa, Marl, ’no?” tanong na nakangiti ni Kryz sa kanyang kapatid.

“Mmm-mmm!!” pagsang-ayon namang tumatango ni Marl sa kanyang Ate.

Napahinga ako nang malalim. Wala na talaga akong magagawa dahil wala akong kakampi sa bahay na ito. Kailangan kong sakyan ang hilig ng pamilyang ito.

Dahan-dahan na akong tumayo mula sa pagkakaluhod para bigyang daan ang mga bata papasok ng kwarto. Mukhang napakasaya talaga nila dahil nang makaalis ako sa aking pwesto ay diretso silang tumakbo para umakyat sa kama na naririto.

“Yehey!! Matutulog kaming buong family!!” sigaw ni Kryz habang tumatalon sa ibabaw ng kama.

“Yehey!! Matutulog kaming buong family!!” panggagaya naman ni Marl sa kanyang Ate at tumalon-talon din siya sa kama.

Habang pinapanood ang dalawang bata ay narinig ko ang pagbulong ni Oliver sa aking tabi.

“Sorry, Weldy…” bulong nito sa malungkot na tono. “Napasobra yata ako sa pagbibiro sa ’yo..? Nadala lang ako sa sinabi mo kaya gano’n…” dugtong pa nito habang nakatingin pa rin sa nagkakasayahang mga anak nito.

Sa totoo lang, ang inaasahan ko ay aasarin pa ako nito, pero nagulat akong humingi pa ng tawad ito. Kung tutuusin ay wala naman siyang kasalanan dahil sa akin nagsimula ang kasinungalingan. Ako ang pasimuno kaya wala siyang nagawa kundi ang sakyan ang aking kalokohan.

Dahil sa aking narinig ay pinilit kong bigyan siya ng tipid na ngiti. Ayaw kong mag-alala siya dahil baka mapansin din iyon ng mga bata. Kinakabahan man ako sa mangyayari ay nagawa ko pa ring magtanong sa huli.

“P-paano ba tayo matulog noon kapag kasama natin ang mga bata?” tanong kong kinakabahan kay Oliver.

Sa wakas ay nagawa na niya akong lingunin. Nasundan naman iyon ng malawak na ngiti niya sa akin.

“’Wag kang mag-alala, Weldy. Makakatulog ka pa rin nang komportable dahil nasa gitna naman natin silang dalawa.” sagot niyang nakangiti.

Doon lamang ako tila nabunutan ng malaking tinik. Mabuti naman pala kung ganoon, may namamagitan pa rin sa amin kaya hindi magiging problema iyon.

“Tara na, Weldy. Tabihan na natin ang mga bata.” pagyaya sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

Tanging pagtango lang ang naisagot ko sa kanya at sinimulan ko na ring puntahan ang mga bata.

“Tama na ’yan, kids. Humiga na kayo at may pasok na kayo bukas. Mapupuyat din ang Papa ninyo kung mangungulit pa kayo. Gusto n’yo ba ’yon?” pagsaway ni Oliver sa dalawa dahil sa ginagawang paglundag nila sa kama. Sinasabi niya rin ang mga bagay na iyon habang kinukuha ang kanyang kumot at unan na inaayos niya kanina sa sofa.

Napakamasunurin naman ng mga bata dahil mabilis din silang tumigil sa ginagawa at agad na humiga sa kama. Hindi ko tuloy naiwasan ang matawa dahil sa aking nakita.

“Bakit nandiyan ang pillow at blanket sa sofa, Daddy? Diyan po ba sana kayo matutulog ni Papa?” hindi napigilang pagtatanong ni Kryz kay Oliver nang makarating na ito sa aming kama.

Dahil sa pagtatanong na iyon ni Kryz ay pareho rin kaming nagkatinginan ni Oliver. Saglit lamang iyon hanggang sa ibalik ni Oliver ang kanyang ngiti para sagutin ang kanyang panganay.

“Yeah. Doon sana kami matutulog ng Papa ninyo bago kayo dumating. Since hindi naman tayo kasyang apat doon, lilipat na lang din kami ng Papa n’yo rito,” kaswal na sagot ni Oliver. “Tatabihan namin ang mga little monsters na ’to!” pahabol pa ni Oliver at kiniliti ang dalawang anak nito.

Naaliw naman ako sa kanila kaya pinanood ko lamang sila. Hindi ko alam ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.Magkahalong saya at lungkot ang namamayani sa loob ko. Natutuwa ako dahil kahit paano ay naranasan kong magkaroon ng masayang pamilya, pero nalukungkot ako dahil alam kong hiram ko lang sila.

“Weldy?” biglang pagtatanong sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

Hindi ko namalayan na nakatulala na pala ako. Tapos na pala sila sa ginagawa nilang paglalaro at ngayon ay nakatingin sa sila sa aking tatlo. Nakaahon na rin ang mga bata at ngayon ay nakaupo.

“H-ha?” nauutal kong pagsagot kay Oliver.

“Are you okay? Bakit parang ang lalim ng iniisip mo?” nag-aalalang tanong sa akin ni Oliver.

Masyado na palang nagiging halata ang ikinilos ko. Tuwing nakikita kong masaya ang pamilyang ito, nawawala ako sa sarili ko. Nakakalimutan kong kailangan kong husayan ang pagpapanggap bilang miyembro ng masayang pamilyang ito.

Sinikap kong alisin ang gumugulo sa isip ko. Nag-isip ako ng paraan para mawala ang pag-alala sa mukha ng dalawang bata at ng pekeng asawa ko.

“Nagseselos kasi ako… Kayo lang ang naglalaro… Hindi n’yo ako isinasali…” kunwari ay malungkot kong pagsasalita at ngumuso pa ako.

Nasaksihan ko kung paano sila natigilan at nagkatinginan na tatlo. Ilang segundo rin iyon hanggang sa umalingawngaw ang mga pagtawa nila sa buong kwarto.

“Ang cute mo, Papa! Pa-kiss nga po ako?!” reaksyon ni Kryz at lumapit ito para pisilin ang pisngi ko. Kasunod nito ay hinalikan niya ang dulo ng ilong ko.

“Kulang pa ng isa… Hindi pa ako naki-kiss ng isang bata…” kunwari ay malungkot pa rin ako at tiningnan naman si Marl para ipahiwatig na dapat ay halikan niya rin ako.

“Waahh!! Pa-kiss po, Papa!!” tuwang-tuwa naman na reaksyon ni Marl. Mabilis din siyang kumilos at halos mapahiga ako sa kama nang bigla itong yumakap sa leeg ko. Kasunod nito ay halos pisain niya ang aking mukha sa tindi ng paghalik nito.

Dahil sa nangyari ay hindi ko na napanindigan ang aking paglulungkot-lungkutan. Ngayon kasi ay pareho ko nang yakap ang dalawang bata habang paulit-ulit nila akong hinahalikan. Tanging pagtawa lang ang aking nagawa dahil sa kanilang kakulitan.

Kung hindi lang siguro ako nagmukhang hinihika dahil sa kakatawa, hindi ako titigilan ng dalawang bata. Natatawa na lang din na inawat sila ni Oliver para lang mapatigil na sila.

Malawak pa rin ang aking pagkakangiti nang harapin ni Kryz ang kanyang ama bago ito nagsalita.

“Ikaw naman, Daddy! Ikaw naman ang mag-kiss kay Papa! Sa amin ni Marl ang nose at cheeks ni Papa kaya sa ’yo naman ang lips niya!” bigla nitong utos sa kanyang ama.

Agad na naglaho ang aking masayang ekspresyon at napalitan iyon ng matinding pag-aalala.

“Game! Game! Si Daddy naman! Yoohoo!” si Marl naman na sinusuportahan ang kanyang Ate.

Pambihira! Kung alam lang ng dalawang batang ito na halos atakihin na ako kanina sa puso noong malaman kong magkakatabi kami ng ama ng mga nito! Ngayon naman, may panibago na naman silang gusto! ’Yong totoo?! Gusto ba nila makitang mawalan ako ng malay rito?!

Naninigas ang aking katawan nang unti-unti kong lingunin si Oliver. Tulad ng aking inaasahan, suot din niya ngayon ang ekspresyong kinakabahan.

“Ang tagal naman po?! Game na, bilis! Excited na kaming makita kayong mag-kiss!” si Kryz na naman na nagkakamot na ng kanyang ulo dahil sa pagkainip.

“Excited na kami ni Ate Kryz! Mag-kiss na po kayo sa lips, bilis!” si Marl naman na sinang-ayunan ang kanyang Ate. Nagkamot din ito ng kanyang ulo habang nakanguso. Ginagaya niya talaga ang bawat gawain ng Ate niya.

Hindi ko alam kung anong suot ko ngayong ekspresyon, basta’t ang malinaw lang sa akin, kahit malamig sa kwartong ito ay pinagpapawisan ako ngayon.

Sunod-sunod na paglunok ang aking nagawa habang nakatulala. Nag-iisip ako ng paraan kung paano makakawala. Alam kong ganoon din si Oliver, hindi niya gusto ang ganitong senaryo dahil mas nangingibabaw ang pag-aalala niya sa akin sa mga oras na ito. Alam niyang hindi pa ako komportableng gawin ang bagay na iyon dahil nga sa paniniwalang may amnesia ako.

Napangiti nang alanganin si Oliver at hinarap ang mga bata.

“Kids, inaantok na ang Papa ninyo. Pagpahingahin n’yo na siya dahil maaga siyang gumigising para asikasuhin kayo.” pagkumbinsi niya sa mga anak nito.

Si Kryz ang sumagot sa pagkakataong ito.

“Kaya nga po bilisan n’yo na para makatulog na rin po tayo. Good night kiss lang naman, eh.” pakikipagtalo nito sa kanyang ama. “’Di ba, Marl?” paghingi pa nito ng saklolo sa bunso.

“Tama, tama! Mmm! Good night kiss lang nga!” pagsang-ayon naman ni Marl habang tumatango.

Hindi ko akalain na darating ang oras na makakaramdam ako ng inis sa dalawang bata. Nakakagigil ang pagiging cute nila pero nakakainis dahil sa dami rin ng kondisyon nila.

Nilingon ako ni Oliver at mukhang hindi niya alam kung paano lulusutan ang bagay na ito. Sinusubukan niyang humingi sa akin ng saklolo sa pamamagitan ng nakikiusap niyang mga mata na ako naman ang gumawa ng paraan para makalusot dito. Pero kahit anong gawin kong pag-iisip, wala talaga akong makuhang ideya para makapuslit.

“We’re waiting~~” sambit naman ni Kryz at humalukipkip na ito.

“Yes. Waiting~~” segunda na naman ni Marl at ginaya ang kanyang Ate na nakatiklop ang mga braso sa dibdib nito.

Dahil sa para na akong yelo sa mga oras na ito ay si Oliver na lang ang naiwang nag-iisip para makalusot sa mga anak nito. Nakita ko pa siyang napapikit na tila sumusuko na ito.

May ilang segundo pa ang lumipas hanggabg sa binalingan ni Oliver ang kanyang mga anak.

“Okay, kids, but in one condition,” nanghihinang pakiusap ni Oliver sa kanila.

“Sure! What is it, Daddy?!” mapanghamong tanong naman ni Kryz.

“Sure, sure!” si Marl naman na tumatango.

Ang cute talaga nila pero mga pahamak din sila.

Nanatili lang ako sa panonood sa mangyayari. Hindi ko na inabala pang makinig dahil hindi ko naman naiintindihan ang kanilang sinasabi.

“Cover your ears. May sasabihin lang ako sa Papa ninyo.” sagot ni Oliver sa kanila.

Hay, ambot! Hindi ko talaga sila maintindihan!

“A secret?” tanong ni Kryz.

“Secret?” si Marl na naman.

“Yes. A big secret that kids are not allowed to hear.” sagot naman ni Oliver.

Hindi agad na nakapagsalita ang dalawang bata. Nagkatinginan muna sila na tila nag-uusap sila sa pamamagitan ng kanilang mga mata. Ilang segundo rin iyon hanggang sa nagbitiw si Kryz ng buntong-hininga na ginaya na naman ng kapatid niya.

“Okay, Daddy. Deal!” sagot ni Kryz makalipas ang ilang sandali.

“Yes! Deal!” si Marl naman na walang ginawa kundi ang kopyahin ang kanyang kapatid.

Matapos iyon ay kumilos ang dalawang bata para takpan ng kanilang mga kamay ang kanilang mga tenga. Wala naman akong nagawa kundi ang makiramdam at hintayin ang mga kaganapan. Sila-sila lang kasi ang nag-usap at nagkaintindihan.

Abala ako sa pagtitig sa dalawang bata nang maramdaman ko ang malamig na kamay sa bandang pisngi ko. Dahil sa pagkabigla ay mabilis ko ring nilingon ito. Doon ko lang namalayan na nakalapit na pala si Oliver sa aking pwesto at bahagya na ring malapit sa akin ang mukha nito.

“O-o-oliver….” iyon lang ang nasambit ng aking bibig habang nanlalaki ang mga mata ko.

Nagsimula nang magwala ang puso ko. Napakalakas ng naging pagtibok nito na halos lumabas na sa dibdib ko. Gusto ko sanang igalaw ang aking katawan para makatakbo palayo, pero kahit anong subok ko ay tuluyan na akong nabato.

Gagawin ba talaga namin iyon?! Sandali! Ang natatandaan kong sinabi ko noon ay mangyayari lang iyon sa oras na makapag-asawa na ako! Pero wala akong matandaan na sinabi kong mangyayari ang aking unang halik sa taong kunwari ay asawa ko!

Nakita yata ni Oliver ang pag-aalala sa akin kaya sinubukan niyang ngumiti.

“Alam kong mahirap sa ’yo ang bagay na ito, pero hayaan mong matulungan kita sa paraang alam ko.” pakikipag-usap sa akin ni Oliver sa paraang pabulong.

Hindi ako nakatugon dahil parang nalunok ko na ang dila ko.

“Weldy, isipin mong nagawa na rin natin ’to. Hindi na ito bago. Isipin mong mag-asawa tayo at normal lang ito. Kaya mo ba?” pagkumbinsi niya sa akin at pagtatanong sa huli.

Gusto kong umiling bilang sagot sa kanyang katanungan, hindi kasi ako sigurado kung kaya ko ba iyong panindigan. Pero kahit anong pagsusimikap talaga ang aking gagawin, naiiwan akong nakatulala lang.

Napahinga nang malalim si Oliver at napapikit pa.

“Okay, ganito,” sambit nito at muling tiningnan ako. “Ipikit mo na lang ang mata mo, Weldy. Ipikit mo, then ako na ang bahala.” utos pa nito.

Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Kahit ang pagkuyom ng aking kamao ay hindi ko na magawa dahil sa labis na kaba ko.

Sinubukan kong tingnan ang mga bata. Nakita kong hanggang ngayon ay takip nila ang kanilang tenga at matiyagang naghihintay sa magaganap. Mukhang wala na talagang pag-asa pang makatakas ako sa tagpong ito. Mukhang dapat ay magpadala na lang ako sa agos ng magiging senaryo.

Isang paglunok muna ang aking ginawa para lang kumalma. Nakita ko pang sinusubukan ako ni Oliver pakamalhin sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagngiti niya. At nang magkaroon na ako ng lakas ng loob, unti-unti ko nang ipinikit ang aking mga mata.

Katahimikan ang bumalot sa paligid. Dahil din doon ay mas lalo akong nakaramdam ng kaba lalo na at wala akong makita. Nakiramdam lang ako habang hawak pa rin ni Oliver ang pisngi ko. At tulad ko, ramdam kong nanginginig din siya dahil sa nerbiyos ngayon nito.

May ilang segundo pa ang lumipas hanggang sa maramdaman ko ang hangin na tumatama sa aking mukha. Kilala ko ang amoy na iyon, ang amoy colgate na hininga ng doktor na hawak pa rin ang pisngi ko ngayon.

Hindi ko alam kung gaano na kalapit ang aming mukha sa isa’t isa, pero napatigil ako sa paghinga nang magdikit ang dulo ng ilong naming dalawa.

“Iiihh!! Ayan na, Marl!!” narinig kong pigil na pagtili ni Kryz.

“Iihh!! Ayan na, Marl!! Ay, Ate pala!!” si Marl naman na hindi na naiwasang magkamali dahil sa panggagaya sa Ate niya.

Nagbilang pa ako ng ilang segundo habang magkadikit ang ilong namin ng doktor.

Kasunod ng pangyayaring iyon ay ang pinakahihintay ng mga bata na sandali.

Naramdamdaman ko na ang mainit na labi ni Oliver ang dumampi sa nanlalamig kong pisngi.

“Ay…. Bakit sa cheek lang, Daddy..? Sabi namin sa lips, eh…” ang may panghihinayang na pagsasalita ni Kryz.

“Sa lips dapat, Daddy, ’di ba..?” si Marl na tila nanghihinayang din.

Tama sila, sa pisngi nga lang ako hinalikan ni Oliver at hindi sa labi. Ang buong akala ko pa naman ay mararanasan ko na ang aking unang halik. Mukhang magaganap lang iyon sa isang panaginip.

Teka nga? Bakit parang nanghihinayang din ako tulad ng mga bata? Hindi ba dapat ay matuwa at magpasalamat ako?

Sa halip na isipin pa ang bagay na iyon ay iminulat ko na lamang muli ang mga mata ko. Natagpuan ko ang dalawang bata na nakanguso na tila nagtatampo sa mga oras na ito. Si Oliver naman na tinanggal na ang kamay mula sa aking pisngi ay hinaplos na ang ulo ng mga anak nito.

“Enough na ’yan. Okay na ’yon, good night kiss na ni Daddy kay Papa ’yon. Matulog na kayo dahil maaga pa kayo bukas, okay?” pagkumbinsi ni Oliver sa kanyang mga anak.

Dismayado man ay sinunod pa rin ng mga bata ang kanilang ama. Dahan-dahan silang kumilos para humiga nang maayos sa kama.

“Papa, tabihan mo na kami ni Ate Kryz!” pagyaya sa akin ni Marl habang bahagyang hinihila ang aking braso.

Kung hindi lang siguro ako hinihila ni Marl, siguro ay hindi na talaga ako makakagalaw. Dahan-dahan akong humiga sa kama at inayos ang kumot ng mga bata.

“Good night, Daddy. Good night, Papa.” si Kryz na nakapikit na.

“Good night, Daddy. Good night, Papa.” si Marl naman na nagawa pang humalik ulit sa akin bago ipikit ang kanyang mga mata.

“Good night.” sabay naman naming sagot ni Oliver.

Pinagmasdan kong mabuti ang mga bata. Nakatagilid ang aking pwesto kaya malaya kong nakikita ang kabuuan ng kanilang mga mukha. Para talaga silang mga anghel, napakaamo ng kanilang mga mukha.

May ilang minuto rin akong nakatitig sa mga bata hanggang sa maligaw ang aking tingin sa kanilang ama. Naabutan ko siyang titig na titig sa aking mukha kaya heto at nagsimula na naman ang aking puso na magwala.

“M-matulog ka na kaya?” nauutal kong paninita sa kanya. Ginawa ko rin iyon para makaiwas sa paningin niya.

Natawa siya nang bahagya sa hindi ko malamang dahilan.

“Sabi ko nga sa ’yo, hindi ako nakakatulog hangga’t hindi natutulog ang asawa ko.” mahina niyang pagsasalita na sapat lang para marinig ko.

Hindi ko alam ang aking isasagot sa sinabi niyang iyon kaya ang tanging nagawa ko lang ay bahagyang itago ang aking mukha sa mukha rin ni Marl na nasa tabi ko. Pero dahil sa maliit lang si Marl ay nakikita ko pa rin ang mukha ni Oliver na hanggang ngayon ay pinagmamasdan ako.

Mukhang naaliw siya sa akin dahil muli na naman siyang natawa. Hinayaan ko na lamang siya dahil hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin ako ng hiya sa nangyari kanina.

Makalipas ang ilang segundo ay muli siyang nagsalita.

“Good night, Weldy…” malambing niyang sambit habang malawak ang pagkakangiti.

Hindi ko man gustuhin, kusa ring gumuhit ang matamis na ngiti mula sa aking labi.

“Good night, Daddy…” malambing ko ring sagot sa kanya. Kasunod nito ay ipinikit ko na rin ang aking mga mata.

“Dream of me…” narinig ko pang pahabol ni Oliver habang ako ay nakapikit.

Hindi na lamang ako sumagot sa sinabi niyang iyon dahil hindi ko naman naintindihan ang kanyang sinabi. Ang tanging tumatakbo lang ngayon sa aking isip ay sana, maging laman siya ngayon ng aking magiging panaginip.


A/N

Ayun, oh?! Sinong kinilig? Hehe! Harot-harot ni France! Hahaha! Cute!

Para po kay

SayonnyLs

ang chapter na ito. Siya rin po ang may gawa ng cover ni France na nasa pinakaunahang bahagi nitong chapter. Try to visit her profile na rin po to check her works. Fujoshi power! Thanks, bebe, sa cover!

’Til next update po! Labyu, guys!

–– cold_deee ❤

02.26.2018

Chapter 9

Pwede n’yong i-play ang nasa media while reading this whole chapter. (Song title: Take me, I’ll follow - Cover By: Toni Gonzaga)

  ![](https://img.wattpad.com/70e8104cc2f4a26c8621fab7b42f925581365a0a/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f3862556b69436f6b6f52424b76773d3d2d3438353332363336302e31353161613232313936373563313838343130373838323436362e6a7067)

  ![](https://img.wattpad.com/7e686240db02a03c7d935b4678eb7647c476ce4d/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f344f3558314b4f4d573164537a673d3d2d3438353332363336302e313531616132323737366261636363643130333939373033313830312e6a7067)

FRANCE POV

Hindi maputol ang aking ngiti nang makapasok ako sa aming gate. Nagbalik kasi sa aking isip ang senaryo kanina noong hinatid ko ang mga bata sa kanilang eskwelahan.

Noong nasa gate na kami kanina ng kanilang paaralan, nagtataka kami ni Kryz kung bakit ayaw pang pumasok ni Marl sa loob. Tinanong namin siya kung may hinihintay ba siya pero sinagot niya lamang kami ng magandang ngiti habang tumatango.

May ilang minuto pa kaming naghintay roon dahil maaga pa naman. Pero noong may dumating na isang kotse sakay ang dalawang bata na lalaki at babae, doon lamang nagsabi si Marl na maaari na silang pumasok sa kanilang eskwelahan. Tila ba ang mga batang iyon lang ang kanyang inabangan.

Mukhang sikat din ang dalawang batang iyon dahil lahat ng kanilang madadaanang estudyante ay kanilang nginingitian. Kaway pa nang kaway ang batang lalaki habang paulit-ulit na sumisigaw ng, ‘Hi, fans!’ .

Dahil din doon, kinulit ni Kryz kung crush ba ni Marl ang batang babae na kung hindi ako nagkakamali ay tinawag nilang Carla. Pero sa halip na sagutin kami ni Marl, ngiti lang din ang ibinigay niya.

Natatawa ako dahil sa mura nilang edad, alam na nila ang salitang ‘crush’. Samantalang ako, hindi ko pa iyon malalaman kung hindi pa sa akin naipaliwanag nina Ate Aning at Ate Loca kung ano ang kahulugan nito.

“Kuya Weldy!”

Natigilan ako sa pag-iisip nang marinig ko ang pagtawag sa aking pangalan nang makarating ako sa bahaging hardin ng aming bahay.

“Ate Aning!” pagtawag ko ring nakangiti sa kanya.

Naabutan ko si Ate Aning na ngayon ay nasa hardin at nagdidilig ng mga halaman.

“Tulungan na kita!” alok ko nang makalapit ako sa pwesto niya.

“Naku, ’wag na! Ayan ka na naman, eh! Ilang beses ba naming dapat ipaalala sa ’yo na ikaw ang amo rito?! Makulit ka rin talaga, ’no?!” tila ba panenermon nito matapos iiwas sa akin ang hawak niyang hose.

Napakamot naman ako ng aking ulo dahil sa hiya. Hindi ako nahihiya dahil sa kanyang paninita, nahihiya ako dahil alam ko sa sarili kong hindi ako ang amo nila.

“Wala kasi akong magawa, eh. Mamaya pa naman ako magluluto ng tanghalian kaya ilang oras pa akong tatambay. Lagi na lang akong nanonood ng TV kaso hindi ko naman maintindihan dahil puro ingles naman ang palabas. Wala bang tagalog diyan?” paliwanag at pagtatanong ko sa kanya.

Sa totoo lang, medyo naiinip na ako paminsan-minsan lalo na kung wala rito ang mga bata. Ayaw nila akong bigyan dito ng trabaho maliban na lang sa pagluluto ng mga kakainin nila. Nasanay na rin kasi ang mga bata na ako ang nagluluto at naghahain para sa kanila.

“Naku! Pasensiya ka na, Kuya Weldy, ha? Pinagbawalan na kasi kami ni Kuya Oliver na buksan ang local channel ng TV, eh. Nag-aalala kasi siya sa mga anak ninyo na baka may mapanood silang medyo bayolente sa TV. Kaya ayun, halos araw-araw, nagdadala siya ng bala ng DVD para ’yon na lang daw ang panoorin nila. Puro cartoons nga, eh. Kaunti na nga lang, magiging kamukha ko na si Dora! Kaya nga ako nagpa-bangs, ’di ba?!” mahabang pagkekwento sa akin ni Ate Aning habang patuloy pa rin sa ginagawang pagdidilig niya.

Kung sabagay, tama siya. Kilalang-kilala ko na rin si Dora dahil siya ang paboritong panoorin nina Kryz at Marl.

Nang mabanggit ni Ate Aning si Oliver ay napatigil ako sa mahabang pag-iisip.

“Hala, oo nga pala!” bigla kong sambit. “Gising na ba siya?” tanong ko pa ulit.

Dahil yata sa aking naging reaksyon ay natawa si Ate Aning.

“Grabe mataranta, Kuya, ah?” natatawa niyang pagpuna. “Hindi pa gising si Kuya Oliver. Pinuyat mo ba?” sunod pa nitong pagtatanong.

Napakamot ako ng ulo dahil sa tanong niyang iyon. Nakaramdam ako ng hiya dahil sa tingin ko ay napuyat ko nga si Oliver kagabi.

“Kung bakit naman kasi kailangan niya pang hintayin na makatulog ako bago rin siya matulog, eh. Ayan tuloy, kinukulang siya sa tulog.” pagdadahilan ko kay Ate Aning.

Gumuhit ang pilyang ngiti kay Ate Aning.

“Ayyiiee~” kantiyaw nito habang sinusundot ang tagiliran ko. “Umamin ka nga, Kuya Weldy. Nagbalik na rin ba ang init sa gabi?” sunod pa nitong tanong.

Agad na nangunot ang aking noo sa tanong niyang iyon.

“Init sa gabi?” tanong kong nagtataka. Mukhang gumamit na naman siya ng salitang kakaiba.

“Aba, init sa gabi! Labing-labing! ’Yong natural na ginagawa ng mag-asawa para makabuo sila ng bata?! Pero dahil pareho kayong lalaki ni Kuya Oliver, hindi kayo nakakabuo! Okay lang naman ’yon! May mga anak naman na kayo, eh! Pero siyempre, ginagawa n’yo pa rin ang bagay na ’yon para mas mapatatag ang pagsasama ninyo! Tinutugunan n’yo ang init ng katawan ng isa’t isa at––”

“T-tama na, Ate Aning! N-naiintindihan ko na! Tama na po!” natataranta kong pag-awat sa kanya habang nakamwestra pa ang dalawang kong kamay sa tapat niya.

Ang haba ng kanyang paliwanag at naiintindihan ko ang pinupunto niya. Dahil doon ay binalot ako ng kaba. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa napag-iisipan kung ano ang aking gagawin sakaling hilingin iyon ni Oliver. Dahil sa ginagawa kong pagpapanggap bilang kanyang asawa, alam kong hindi malayong maganap sa amin ang ganoong pag-iisa.

Natatakot ako. Wala pa akong karanasan sa bagay na iyon. Isa pa, hindi dapat na mangyari iyon dahil hindi naman ako ang tunay na asawa ni Oliver. Hindi namin dapat gawin iyon.

“Sus! Nahiya ka pa, Kuya! ’Wag kang mag-alala! Kung nakalimutan mo ang tungkol sa bagay na ’yon, pwede naman kitang matulungan! Marami akong alam na position! Kung gusto mo ipapanood ko sa ’yo ang mga videos na na-download ko para may idea ka naman!” mungkahi pa ni Ate Aning.

Hala siya?! Ayaw niya talaga akong tigilan!

“Ate Aning naman, eh!” pagmamaktol ko na sa kanya. “Bigyan mo na lang kasi ako ng trabaho! Ano pa bang hindi mo nagagawa at ako na lang ang gagawa! Baka mapagalitan ka ni Oliver niyan kung hindi ka pa natatapos sa gawaing-bahay, sige ka!” utos ko na sa kanya at pananakot sa huli. Kailangan ko nang gawin iyon dahil hindi na ako makatagal sa pinag-uusapan naming dalawa.

Mukhang naging epektibo naman ang aking pagbabanta dahil mabilis na rumehistro sa kanya ang pag-aalala.

“Naku, oo nga pala! Hindi pa napa-plantsa ang mga sinampay kahapon! Nandoon pa ang mga polo niya pati ang uniform ng mga bata! Inuna muna kasi ni Loca ang mamalengke, eh!” nanlalaki ang mga mata niyang pag-alala.

Mabilis na gumuhit ang ngiti sa aking labi. Mukhang may magagawa na ako habang naghihintay sa pagbabalik ng mga anak ko.

“Talaga?! Nasaan ang mga damit?! Ako na ang magpa-plantsa, Ate Aning!” tuwang-tuwa ko nang mungkahi sa kanya.

Mas lalo nang nabigla si Ate Aning sa pagkakataong ito.

“Susmaryosep, Kuya! Ipapaalala ko lang sa ’yo, hindi ka marunong magplantsa! Ako na lang mamaya pagkatapos kong magdilig nitong mga halaman!” pagtutol nito sa akin.

Medyo naiinis na ako pero kailangan kong habaan ang pasensiya ko. Kailangan ko ng magagawa dahil mahabang oras pa ang hihintayin ko.

“Ang kulit mo naman, Ate, eh! Sige na! Paano ako matututo kung hindi ko ’yon pag-aaralan?!” pagkontra ko rin sa kanya pabalik.

“Naku, Kuya! Baka mapagod ka lang! Lalo akong mapapagalitan ni Kuya Oliver niyan?!”

“Kaya nga sabihin mo na sa akin habang tulog pa siya! Nasaan ang mga dapat plantsahin?!”

“Hindi nga pwede, Kuya! Baka magkasakit ka?!”

“Titigil din ako ’pag napapagod na ako!”

“Baka masunog mo ang mga damit?! Magagalit si Kuya Oliver!”

“Hindi siya magagalit dahil ako ang makakasunog! Asawa niya ako kaya hindi siya sa akin magagalit!”

“Kailangan kong sundin ang utos ni Kuya Oliver na ’wag kang bigyan ng mabibigat na trabaho!”

“Amo mo rin ako kaya sumunod ka na lang sa utos ko!”

Matapos naming magkabulyawan ni Ate Aning ay natahimik na siya sa huli kong mga kataga.

“Ano?! Papalag ka pa?! Amo mo rin ako, ’di ba?! ’Di ba?!” pag-uulit ko pa sa sinabi ko kanina.

May ilang segundong natahimik si Ate Aning hanggang sa rumehistro sa kanya ang pagsuko.

“Kuya Weldy naman, eh…” nanghihina nitong sambit na tila maiiyak na. “Nadoon… Nasa maids quarter na nasa ilalim ng hagdan… Nakahanda na roon ang mga dapat plantsahin…” sagot na nitong nanlulumo.

Nang marinig ko iyon ay mabilis na nagbalik ang ngiti sa labi ko. Kasunod nito ay mabilis akong kumilos at tinalikuran ang kanyang pwesto.

“Salamat, Ate Aning! Pangako, titigil din ako ’pag napagod ako!” sigaw ko pa habang tumatakbo papasok ng bahay.

Naiintindihan ko naman sila ni Ate Loca. Alam kong labis silang nag-aalala sa aking kalusugan dahil sa pag-aakalang may hika nga ako. Pero dahil alam kong malusog ako, determinado akong gawin ito. Isa pa, ito lang ang magagawa ko bilang kapalit sa pagpapatuloy sa akin ni Oliver sa bahay na ito. Ito lang ang kaya kong isukli sa kabutihan nito.

Nang marating ko ang kwarto nina Ate Aning ay agad kong hinanap ang mga damit na sinasabi nito. Hindi naman ako nahirapan dahil medyo maliit lang ang kwarto na sapat lang para sa kanilang dalawa ni Ate Loca.

“Iihhh!! Makakapagplantsa na ako!” tuwang-tuwa kong bulong habang inihahanda ang mga gagamitin ko.

Mabuti na lang at ordinaryong plantsa lang ang gamit ng bahay na ito kaya hindi ako nahirapang gamitin ito. Pareho nga ito sa ginagamit naming plantsa sa bahay-ampunan na pinanggalingan ko.

Nang magsimula akong mamalantsa ay halos hindi maputol ang ngiti ko. May katagalan na rin kasi noong huli kong ginawa ito. May pagkakataon pa na habang nagpaplantsa ay napapakanta o sumisipol ako. Talento ko na yatang matatawag ang pagiging mahusay ko sa gawaing-bahay. Tiwala kasi akong nagagawa ko nang maayos ang ganitong mga bagay.

“Ayan! Tapos na!” masaya kong sambit habang angat ng aking mga kamay ang huling polo na naplantsa ko.

Habang tinitingnan ang polo na aking hawak ay hindi ko maiwasang titigan ito. Medyo kulay asul ang polo at medyo malaki ang sukat nito. Alam kong kay Oliver ito dahil ito rin ang polo na suot niya noong nagpunta kami sa sinehan na magpamilya.

“Ang laki talaga ng katawan mo, Daddy!” mahina ko pang pakikipag-usap sa damit ni Oliver at bahagyang natawa.

Ang laki naman kasi talaga ng katawan ni Oliver na nababagay sa taas niya. Para talaga siyang artista na napapanood sa telebisyon at pelikula. Hindi na ako nagtataka kung sakaling marami ang humahanga sa kanya.

“Tapos ang linis-linis mo pa laging tingnan! Kahit nga siguro tatlong araw kang hindi maligo, mukha ka pa ring mabango, ’no?” natatawa ko pa ring pakikipag-usap kay Oliver sa pamamagitan ng polo nito.

Masyado na yata akong naaliw sa aking ginagawa. Binalewala ko na kung nagmumukha na akong tanga dahil sa aking pagsasalita kahit wala namang kausap.

Habang nakatitig sa polo ni Oliver, hindi ko naiwasang balikan ang kaganapan noong nagpunta kami sa sinehan. Noong oras na magkahawak kami ng kamay at kung paano niya hinalikan ang aking noo dahil sa aking katangahan.

Sa hindi ko malamang dahilan, parang gusto kong maalala ang amoy niya. Parang may nagtutulak sa akin na balikan ang sandali na naamoy ko ang kamay niya sa aking kamay na nabura na.

Ilang sandali pa ang aking binilang nang matagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakadikit na sa aking mukha ang polo niya. Napapikit pa ako nang tuluyan kong amuyin ang kumapit niyang pabango rito.

“Ang bango talaga ni Daddy…” bulong ko pa at napangiti.

Ilang sandali pa habang nasa ganoon akong posisyon…

“Weldy?”

Natigilan ako sa aking ginagawa nang marinig ko ang pagtawag sa pangalan kong iyon.

“Anong ginagawa mo rito?” sunod pa nitong tanong.

Parang akong naging bato sa mga oras na ito. Naimulat ko ang aking mga mata at namilog rin ito dahil sa pagkasorpresa.

Dahan-dahan ay kumilos ako para harapin ang tumawag sa pangalan ko.

“D-daddy….” nauutal kong sambit nang masilayan ko siya sa may bandang pinto.

Hindi siya nakasagot. Nakita ko kung paano niya salitang tinitingnan ang aking mata at ang kanyang polo na hanggang ngayon ay nakadikit sa ilong at bibig ko.

Agad akong binalot ng pagkataranta. Mabilis akong kumilos at kinuha ang hanger para isabit ang polo niya.

“G-g-good morning, Daddy! G-gising ka na pala?!” natataranta kong pagbati sa kanya habang isinasabit ang kanyang polo.

Mukhang nakabawi na siya mula sa pagkakatulala sa akin dahil narinig ko ang mahinang pagtawa nito. Napapikit naman ako dahil sa hiya. Alam kong nahuli niya ako sa aktong pag-amoy sa polo nito, at dahil din doon ay nag-iisip ako ng ipapalusot ko.

“A-ahm… A-ano kasi… Inaamoy ko ang polo mo dahil baka hindi maayos ang pagkakalaba nina Ate Aning dito! Gusto ko lang masiguro na malinis ang sinusuot ng asawa at mga anak ko!” mabilis kong paliwanag sa kanya na hindi ko sigurado kung paniniwalaan niya.

Natatawa pa rin siya kaya mas lalo akong hindi makatingin nang tuwid sa kanya.

“Mmmmm… Talaga?” nadinig kong pang paniniguro niya.

“U-uhmm… Oo naman!” sagot ko pa rin sa kanya na sinabayan ko pa ng pagtango. Sinusubukan ko pa ring lumusot sa mga oras na ito.

Hindi na siya muli pang nagsalita. Dahil doon ay nag-isip ako ng paraan para malihis ang aming usapan. Humarap din ako sa kanyang pwesto ngunit bahagya akong nakayuko. Hanggang ngayon kasi ay nakakaramdam pa rin ako ng hiya sa mga naging tagpo.

“Gusto mo na bang mag-almusal? Ipaghahanda kita.” alok ko sa kanya.

Sinubukan kong tingnan ang kanyang ekspresyon ngunit muli lang akong napayuko nang makita kong malawak ang pagkakangiti niya ngayon.

“Sure,” sagot niya. “Let’s go?” sunod niya pang pagyaya at inilahad din niya ang kanyang kamay.

Sa hindi ko malamang dahilan ay napangiti ako nang makita ko ang palad niya sa aking tapat. Bahagyang nawala ang aking kaba at mabilis ko rin iyon inabot habang tuwid na nakatingin sa kanya.

“Anong niluto ng asawa ko for breakfast?” tanong niya habang kami ay naglalakad na magkahawak ang kamay patungo sa kusina.

“Itlog at hotdog mo.” sagot ko.

“What?!” nabibigla niyang tanong at napatigil pa ito.

Natigilan din ako at doon ko lang naisip na may mali sa sinabi ko. Masyado kasi akong lutang dahil nawiwili na yata akong mahawakan ang kamay ng lalaking ito.

“A-ang ibig kong sabihin, iyong mga pinamili mong itlog at hotdog. May bacon din akong niluto. Pera mo ang pinambili ng mga ’yon kaya sa ’yo rin ang mga ’yon.” mabilis kong paglilinaw sa kanya.

Tumango naman siya nang marahan tanda na naiintindihan na niya.

Nagpatuloy kami sa paglalakad na magkahawak pa rin ang mga kamay.

“Weldy, ilang beses ko bang dapat ipaalala sa ’yo? Mag-asawa tayo. Kung ano man ang pag-aari ko, sa ’yo rin ang mga ’yon, sa inyo ng mga anak natin. ’Wag mo naman sanang sasabihin na akin lang ang mga bagay na naririto sa bahay.” medyo malungkot niyang pagpapaintindi sa akin.

Dahil sa paraan ng kanyang pagsasalita ay nakaramdam ako sa kanya ng awa. Napag-isip-isip kong lalo kong pinaparamdam ang kanyang pangungulila. Na kahit naririto ako at nakikita niya bilang kanyang asawa, nagiging malayo pa rin ako sa kanya. Nagiging dahilan ako para isipin niyang nag-iisa siya.

Nag-isip ako ng ibang paraan para mawala ang lungkot niya. Nakarating na kami ng kusina nang may maisip akong isang ideya.

Ngumiti ako nang malapad sa kanya bago ko sinundot nang ilang beses ang kanyang tagiliran dahilan para makiliti siya.

“Ang aga-aga mo naman magdrama, Daddy! Ngiti ka na! Sorry na.” panunuyo ko habang patuloy na sinusundot ang tagiliran niya.

Bagama’t napapaigtad siya sa aking ginagawa, hindi nagbabago ang ekspresyon niya. Nakasimangot pa rin ito at pinipigilang mapangiti sa mga oras na ito.

“Stop it, Weldy! Hindi talaga ako natutuwa tuwing sinasabi mong akin lang ang mga bagay na naririto. Pakiramdam ko tuloy, wala akong pamilya at mag-isa lang akong nakatira rito.” pagsaway niya sa akin. Kasunod nito ay padabog siyang umupo sa silyang nasa tapat ng mesa na naririto. Binitiwan niya rin ang aking kamay at pinaramdam niyang nagtatampo talaga siya sa mga oras na ito.

“Sorry na nga, Daddy! Sige na, ngiti ka na! Hindi kita pakakainin ng almusal, sige ka!” nakangiti ko pa ring panunuyo sa kanya na hinaluan ko na rin ng pagbabanta.

Hindi siya tumugon matapos iyon. Tiningnan niya lang ako habang ang kanyang mga kilay ay salubong.

Kahit pa ganito ang nakikita kong ekspresyon niya ngayon, hindi na ako tulad noong una na nakakaramdam ng takot tuwing ganito ang kanyang magiging reaksyon. Mukha naman kasing madaling mapaamo si Oliver. Katulad din siya ng kanyang mga anak na madaling makausap basta’t sa paraang mahinahon.

Hindi ko alam kung kailan pa ako nagsimulang maging komportable sa bahay na ito lalo na kay Oliver. Pero sa bawat araw ng pananatili ko rito, nagkakaroon din ako ng pagnanais na mapasaya ang pamilyang ito.

Yumuko ako nang bahagya para magpantay ang aming mukha. Patuloy ko pa rin siyang kinikiliti nang muli akong magsalita.

“Ngiti na, Daddy! Sige na! Gusto mo bang ngumuso pa ako? Ganito, oh?!” muli kong panunuyo saka ako ngumuso.

Mukhang ngayon ay alam ko na ang kahinaan ni Oliver. Nang makita niya kasi akong ngumuso ay mabilis na gumuhit ang ngiti nito.

“Stop it, Weldy,” pagsaway nito sa akin na medyo natatawa. “Or else, those lips will serve as my breakfast. Okay lang din naman dahil na-miss ko rin ’yan tuwing gigising ako sa umaga.” pahabol nito at kumindat pa.

Wala akong nagawa kundi ang makapagbitiw ng tawa. Iyon lang ang aking nagawa dahil tulad ng inaasahan, may ilang bahagi na naman sa kanyang mga sinabi ang hindi ko naintindihan.

Kumilos ako para ipaghanda na siya ng almusal. Mabuti na lang at naturuan na ako nina Ate Aning kung paano gumamit ng microwave para painitin ang mga pagkain.

“What do you want, Daddy? Coffee, tea or me?” seryoso kong tanong sa kanya habang kumukuha ng plato at kubyertos na gagamitin niya.

Pakiramdam ko ay napakagaling ko na. Natatandaan ko kasi ang itinuro sa akin ni Ate Loca kung sakaling ipaghahanda ko ng maiinom si Oliver. Tanungin ko raw kung, ’ coffee, tea or me? ’.

Nagdiwang ako nang ilang segundo dahil nakapag-ingles ako, pero agad din iyong nawala nang marinig ko ang malakas na pagtawa ni Oliver mula sa likod ko. Dahil doon ay napatigil ako at hinarap siya habang nakakunot ang aking noo. Natagpuan ko siyang hawak ang kanyang tiyan dahil sa labis na pagtawa nito.

“Anong nakakatawa?! Tinatanong ka kung anong gusto mong inumin tapos tatawanan mo lang ako?!” tanong kong medyo naiinis sa kanya.

May ilang segundo siyang hinintay para pakalmahin ang kanyang sarili.

“S-saan… Saan mo natutunan ’yan?!” hindi niya maituwid na pagsasalita dahil sa labis na pagtawa.

“Ang alin?!” tanong ko pa ring naiirita.

“Ang ‘coffee, tea or me?’ na tanong mo?!” paglilinaw niya sa pagkakataong ito. “Naiintindihan mo ba ang sinasabi mo, Weldy?!” pahabol pa nitong tanong.

Nang maging malinaw sa akin ang kanyang katanungan ay natahimik ako. Ngayon ko lang napag-isip-isip na hindi ko naitanong kay Ate Loca kung ano ang kahulugan ng mga salitang iyon.

Mabilis na nawala ang inis sa aking ekspresyon at napalitan ng lungkot ito. Nakaramdam ako ng panliliit sa aking sarili dahil sa pagiging mangmang ko. Kung alam ko lang na ganito ang sasapitin ko sa hinaharap, sana pala ay nagpatuloy ako noon sa pag-aaral ko. Hindi sana ako nahihirapan at napapahiya nang tulad nito.

Tinalikuran kong muli si Oliver at ipinagpatuloy ang paghahanda ng pagkain nito. Hindi na ako nagsalita at hinayaan ko na lamang siyang tumawa nang tumawa dahil sa naging tagpo.

May ilang segundo rin ang lumipas nang biglang siyang mapatigil sa hindi ko malamang dahilan. Hindi ko na lamang iyon binigyan pa ng pansin dahil sa aking pinagkakaabalahan.

Nang makuha ko ang ilang mga kakailanganin sa pagkain ni Oliver ay agad din akong nagtungo sa kanyang pwesto. Ginagawa ko ang pag-aasikaso nang hindi siya tinitingnan dahil nakayuko ako. Hanggang ngayon kasi ay ramdam ko ang labis na hiya dahil sa nangyari sa pagitan namin nito.

Inilapag ko ang plato at mga kubyertos sa tapat ni Oliver. Matapos iyon ay agad ko rin siyang tinalikuran para kunin naman ang mga pagkain na katatapos ko lang initin. Pero bago pa ako tuyang makaalis sa kayang tapat ay bigla niyang hinawakan ang aking kamay dahilan para ako ay matigilan.

“Weldy,” pagtawag niya sa aking pangalan. Hindi ako sigurado, pero tila nag-aalala siya sa mga oras na ito.

Dahan-dahan ay tiningnan ko siya para kumpirmahin ang hinala ko. At nang magtagpo ang aming mga mata ay doon ko napatunayang tama nga ako, suot na niya ngayon ang labis na pag-aalala sa mga oras na ito.

“I’m sorry…” sinsero nitong sambit. “Sorry kung pinagtawanan kita. ’Wag mo sanang isipin na natatawa ako dahil sa nagmukha kang katawa-tawa sa harap ko. Hindi ko lang talaga napigil ang matawa dahil sa sinabi mo. Naaliw lang talaga ako at medyo namangha.” mahaba pa niyang paliwanag.

Sa totoo lang ay hindi niya nagawang pagaanin ang nararamdaman ko. Alam ko namang sinsero siya sa paghingi ng tawad, ngunit hindi ko pa rin maiwasang manliit dahil sa aking pagiging mangmang.

Makalipas ang kaunting pag-iisip ay isang malalim na buntong-hininga na lamang ang aking pinakawalan bilang pagsuko.

Ano nga ba naman kasi ang magagawa ko? Hindi ko rin naman masisisi si Oliver. Iniisip niyang nakalimot lang ako sa pag-aakalang asawa niya ako. Pero ang totoo, dakilang mangmang talaga ako.

“Ano ba kasing ibig sabihin no’n? Pwede mo naman kasing ipaliwanag sa akin pero pinagtawanan mo lang ako.” tanong ko sa tonong nagtatampo.

Hindi muna siya agad na sumagot. Nagbitiw muna siya ng tipid na ngiti at mas hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko.

“Weldy, mangako ka sa akin na hindi mo ’yon itatanong sa iba. Sa akin mo lang ’yon itatanong dahil akin ka, dahil asawa kita. Ang ibig kasing sabihin no’n, binibigyan mo ang iba ng pagkakataon na makuha at maangkin ka nila. Ibinibigay mo ang sarili mo sa kanila nang libre. Gusto mo ba ’yon?” mahaba niyang paliwanag sa kaninang sinabi ko.

Ngayon ay naging malinaw na sa akin ang lahat. Ngayon ko napag-isip-isip na may dahilan naman pala para maging ganito ang reaksyon ni Oliver.

Hindi ako nakasagot kay Oliver kaya nagpatuloy pa ito habang mahigpit pa ring hawak ang kamay ko.

“Kasi kung tatanungin mo ako, Weldy, ayaw ko. Ayaw kong kunin ka nila sa akin. Ayaw ko dahil natatakot ako. Natatakot akong mawala ka. Naiintindihan mo?” pagpapatuloy pa nito at pagtatanong sa huli.

Pinagmasdan kong mabuti si Oliver. Nababasa ko sa kanyang mga mata ang labis na takot sa mga oras na ito. Kitang-kita ko rito ang takot na mawala ang asawa niyang nabubuhay sa katauhan ko.

Nagbitiw ako ng tipid na ngiti at tinugunan ang pagkakahawak niya sa kamay ko nang mahigpit.

“Sige, pangako…” sagot ko sa kanyang mga sinabi.

Nang marinig niya ang sinabi kong iyon ay mas lumapad na ang kanyang ngiti sa pagkakataong ito. Sa wakas ay nakita kong napasaya ko siya sa simpleng sagot ko.

“Fresh orange juice. ’Yan ang gusto kong inumin for breakfast, Weldy.” malambing niyang pagbibigay utos sa akin.

Napakagat ako ng ibabang labi dahil sa pag-aalala nang marinig ko ang kanyang kahilingan. Hindi ko alam kung may kakayahang bumasa ng isip si Oliver, pero nang makita niya ang aking reaksyon ay ngumiti ito saka muling nagsalita.

“Hayaan mo, tutulungan kitang gumamit ng squeezer kung ’yon ang inaalala mo.” wika niyang nakangiti at mabilis na tumayo mula sa kinauupuan nito.

Magkawak pa rin ang aming mga kamay nang humakbang kami patungo sa pwesto kung saan nakalagay ang aming mga gagamitin sa ihahandang inumin nito. Nang sinimulan niyang ituro sa akin ang paggamit ng squeezer na kanyang sinasabi ay doon lang din naghiwalay ang aming mga kamay.

Nagpatuloy kami sa pag-uusap ni Oliver at tinulungan na rin niya akong maghanda sa pagkakataong ito. Tinanong niya rin ako kung ano pa ang mga bagay na hindi pamilyar sa aking gamitin sa kusina niyang ito. At noong sinabi ko kung ano-ano ang mga iyon, nangako siyang tuturuan niya ako. Halos hindi naman maputol ang aking ngiti nang marinig ko ang kanyang pangako.

“’Wag ka ring basta-basta maniniwala sa mga sinasabi nina Ate Aning at Ate Loca, Weldy. Alam mo namang may pagkapilya ang mga ’yon. Mas maganda pang magtanong ka sa mga anak natin kung may mga gusto kang alamin. Naiintindihan mo ba?” pagbibilin niya sa akin.

Ngayon ay naririto na kami sa tapat ng mesa at sinisimulan na niyang kainin ang almusal niya.

“Mmmm…” tugon ko lang na tumatango habang nakangiti sa kanya.

Pinagmasdan kong mabuti si Oliver habang patuloy siyang kumakain. Hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot habang tinitingnan ang masaya niyang mukha. Nakakaramdam ako ng pagsisisi dahil sa ginagawa kong panloloko sa kanya. Napakabait niyang tao pero heto at tumanggap siya ng isang estranghero. Hindi lang iyon, naririto siya at tinutulungan pa ako.

Simula nang manirahan ako sa kanyang bahay, marami na akong natutunan sa mga bagay-bagay. Malaki ang utang na loob ko sa kanya at sa kanyang pamilya dahil sa kanila ko natagpuan ang matagal ko nang inaasam sa buhay. Ang magkaroon ng isang kompleto at masayang pamilya.

Naiisip ko ngayon kung kapalaran ko bang mapunta sa pamilyang ito? Si Oliver kaya ang ibinigay sa akin ng Diyos para makilala ko ang totoong mundo? Hindi kaya ipinagkaloob talaga siya sa akin para matuto ako? Hindi kaya sadyang ibinigay siya sa akin dahil simula pa pagkabata ay pinangarap ko na ang makaramdam ng saya tulad nito?

Pero hanggang kailan kaya ito? Hanggang kailan ko dadamahin ang kasiyahang ito? Paano na lang kung bumalik na ang tunay na Weldy sa pamilyang ito? Saan na lang ako magtutungo? Kasabay din kaya ng pag-alis ko rito ay kalilimutan na rin nila ako?

Marami akong katanungan na hindi ko pa mahanapan ngayon ng kasagutan. Naroon na kung sakaling makabalik na si Weldy, pwede ko rin kayang hilingin sa kanila na manatili ako sa kanilang mga buhay kahit bilang kaibigan na lang? Malaki na kasi ang naging parte nila sa aking pagkatao. Mahalaga na sila sa akin at handa na akong magsakripisyo para sa mga ito.

Hindi ko alam kung gaano na ako katagal sa ginagawa kong pag-iisip, ngunit nagising na lamang ako nang tawagin ni Oliver ang aking pansin.

“Weldy…” pagtawag nito sa akin at ramdam ko ang pag-aalala rito.

Nang lingunin ko siya ay napatigil din pala siya sa kanyang ginagawang pagkain sa hindi ko malamang dahilan. At tulad ng aking hinala, suot nga niya ngayon ang ekspresyong may pag-aalala.

“B-bakit?” nauutal kong pagtatanong pabalik sa kanya.

Hindi siya agad na nagsalita. Dahan-dahan ay inangat niya muna ang kanyang isang kamay at marahang hinaplos ang kaliwang bahagi ng aking mukha.

“Bakit ka umiiyak? May problema ba?” tanong niya pa ring nag-aalala.

Dahil sa aking narinig ay mabilis kong inangat ang aking isang kamay para haplusin naman ang kanan kong pisngi. Nang maabot ko ang pisngi kong iyon ay doon ko nakumpirma ang sinabi sa akin ni Oliver, lumuluha nga ako nang hindi ko namamalayan sa mga oras na ito.

Mabilis kong pinunasan ang aking mga luha gamit ang t-shirt na suot ko.

“S-sorry… Sorry…” paulit-ulit ko lang na sambit habang humihikbi.

“Why? Bakit kailangan mong humingi ng sorry?” tanong pa rin ni Oliver.

Dapat ko bang sabibin sa kanya ang tunay na dahilan? Dapat ko ba sa kanyang sabibin na humihingi ako ng kapatawaran dahil sa aking kasalanan? Na ibang tao ako at nagpapanggap lang akong asawa nito?

Pero natatakot ako. Natatakot ako na makita ang magiging reaksyon nito. Natatakot din akong masaksihan ang malungkot na ekspresyon niya maging ng mga anak nito.

“O-oliver…” pagtawag ko sa kanyang pangalan habang umiiyak.

Hindi siya tumugon ngunit ramdam kong naghihintay ito sa pagpapatuloy ko.

Humugot ako ng malalim na buntong-hininga para magkaroon ng lakas ng loob. Kahit pa nahihirapan ay sinikap kong tumingin sa kanya nang diretso.

“S-salamat, ha..? Salamat sa lahat… Salamat kasi ang dami mo nang naitulong sa akin… Ang dami kong natutunan dahil sa ’yo, dahil sa inyo…” panimula ko.

Nangunot ang kanyang noo tanda ng pagtataka.

“H-hindi kita maintindihan, Weldy? Hindi mo naman kailangang magpasalamat. In fact, ako ang dapat na magpasalamat sa ’yo. Ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo para sa amin ng mga anak ko. Kahit ganyan ang kondisyon mo, hindi mo kami pinababayaan.” pagtutol nito habang marahang hinahaplos ang pisngi ko.

Tanging pagtango lang ang naisagot ko sa sinabi niyang iyon. Pinili ko na lamang sarilinin ang aking dahilan. Na nagpapasalamat ako dahil marami ako sa kanilang natutunan.

“S-sorry rin kasi ang tanga-tanga ko… Sorry kasi ang bobo ko… Mangmang ako at nagiging pabigat minsan sa inyo… Sorry kung minsan, nagbibigay kahihiyan ako sa inyo… Sorry sa lahat, Oliver… Sorry… Maniwala ka, hindi ko ’yon lahat sinasadya…” sunod ko pang paghingi ng tawad sa kanya.

Dahil yata sa aking mga sinabi ay mas lalo siyang nag-alala. Inangat na rin niya ang kanyang isang kamay para punasan ang aking mga luha.

“Weldy…” pagtawag niya aking nag-aalala. “Hindi mo kailangang humingi ng tawad… Maniwala ka, naiintindihan kita. Isa pa, asawa kita. Responsibilidad kong turuan at protektahan ka, kayo ng mga anak ko. At kahit pagtawanan ka ng ibang tao, maninindigan ako sa ’yo at ako ang magtatanggol sa ’yo. Hindi kita pababayaan kahit ano pa ang kakaharapin mo. Naiintindihan mo?” paliwanag niya sa akin habang patuloy sa pagpahid ng mga luha ko.

Tulad kanina ay marahang pagtango lang ang naisagot ko sa kanya. Hindi niya alam na sa kabila ng paghingi ko ng kapatawaran ay ang napakalaking dahilan. Ngayon pa lang ay humihingi na ako ng tawad dahil sa aking pagpapanggap bilang kanyang asawa. Niloloko ko siya at ang mga anak niya. Humingi na ako ngayon pa lang ng kapatawaran dahil baka dumating ang oras na hindi ko na ito magawa pa. Dahil alam ko, sa oras na madiskubre niya ang sikreto kong ito, magiging sagad sa buto ang galit sa akin nito.

May ilang segundong katahimikan pa ang lumipas bago ako muling nagsalita. Inangat ko muna ang aking isang kamay at hinaplos ang kamay niyang nasa aking mukha.

“Oliver… P-pwede ba akong humiling sa ’yo..?” tanong ko sa kanya.

“Ano ’yon?! Anything, Weldy! Kahit ano basta’t tumigil ka lang sa pag-iyak mo!” mabilis naman niyang pagsang-ayon.

Dahil sa kanyang naging reaksyon ay hindi ko naiwasang matawa nang bahagya. Napakswerte talaga ng ni Weldy sa kanya. Lahat ay ibibigay niya kahit wala pa siyang ideya kung magiging mahirap man iyon sa kanya.

Muli akong huminga nang malalim para pakalmahin ang aking sarili.

“P-pwede bang… Pwede bang turuan mo pa ako sa maraming bagay..? Lahat ng hindi ko alam, ituro mo sa akin… At sana… Sana, habaan mo pa ang pasensiya mo sa akin… G-gusto ko kasing maging handa… Gusto kong matutunang tumayo sa sarili kong mga paa… Pwede ba ’yon, Oliver..?” paghingi ko ng pabor sa kanya habang lumuluha.

Muling gumuhit ang pagtataka sa ekspresyon ni Oliver. Alam kong naguguluhan siya dahil sa aking mga salita, pero ito lang ang nakikita kong paraan para maging handa. Kailangan kong matutunan ang maraming bagay dahil hindi ko masasabi kung hanggang kailan ako rito mananatili sa kanila. Maaaring bukas o sa makalawa, bumalik na rito si Weldy at mawawalan na ako ng parte sa pamumuhay nila. Kailangan kong matutunan ang maraming bagay para hindi na ako maging ignorante sa oras na makalabas na ako rito sa bahay nila.

“Pakiusap, Oliver… Nakikiusap ako… Kung kinakailangang sumabay ako sa pag-aaral ng mga anak natin, gagawin ko… Wala na akong pakialam kung mapagtawanan ako, basta’t matutunan ko ang maraming bagay sa mundo… Nakikiusap ako sa ’yo… Nagmamakaawa ako… Sana mapagbigyan mo ang hiling ko…” muli kong pakiusap sa kanya.

Hindi nakapagsalita si Oliver. Marahil ay hindi niya pa alam kung ano ang dapat na maging reaksyon sa mga sinabi ko. Nanatili lang siyang nakatitig sa akin at paulit-ulit sa ginagawang paghaplos nang marahan sa mukha ko.

“Oliver…” pagtawag ko sa kanyang pangalan na may bahid pa ring pakikiusap.

May ilang segundo pa siyang walang imik hanggang sa ilang sandali pa ay gumuhit sa kanya ang tipid na ngiti.

“I will, Weldy… I will,” sagot niyang nakangiti. “Pumapayag na ako. Hindi mo na rin kailangan pang makipagsabayan sa pag-aaral ng mga bata dahil ako mismo ang magtuturo sa ’yo nang paunti-unti. Magiging matiyaga ako sa lahat ng mga tanong mo. Itanong mo ang lahat ng gusto mong itanong at sasagutin ko ang lahat ng ’yon, pangako.” dugtong niya pa sa mas masigla niyang tono.

Dahil sa aking narinig ay nakaramdam ako ng labis na saya. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nayakap ko si Oliver habang may malapad na ngiti sa aking mukha.

“S-salamat, Oliver… Maraming salamat… Salamat…” paulit-ulit kong sambit habang yakap siya.

Ginantihan din ni Oliver ang aking yakap at naramdaman ko ang paulit-ulit niyang paghaplos sa aking likod.

“Finally, napangiti rin kita…” sambit na niya ngayong natatawa. “Tahan na, Weldy. Hindi bagay sa ’yo ang umiiyak. Mas bagay sa ’yo ang nakanguso.” dugtong niya pang pagbibiro.

Hindi ko rin naiwasang matawa dahil sa sinabi niya. Mukhang nawiwili talaga siya sa pagngusong ginagawa ko sa harap niya.

May ilang segundo pa kami ni Oliver sa ganoong posisyon hanggang sa bahagya na akong kumalma. Dahan-dahan ay nagbitiw kami sa aming pagkakayakap at hinarap ang isa’t isa.

“Tahan na sabi, e.” utos niya sa akin habang pinupunasan ang natitira ko pang mga luha.

“Mmmm…” sagot ko namang tumatango sa kanya.

Kumilos si Oliver para kunin ang baso niyang may lamang juice sa mga oras na ito.

“Heto, inumin mo muna para gumaan ang pakiramdam mo.” utos niya habang inilalapit sa aking bibig ang baso nito.

“Sa ’yo ’yan, eh…” pagtutol ko naman sa kanya.

Itinaas niya ang kanyang isang kilay na tila naiinis ito.

“’Di ba, ang sabi ko sa ’yo, ang lahat ng pag-aari ko ay pag-aari mo rin? Lahat ng akin ay sa ’yo rin. Nakakalimutan mo na ba?” pagpapaalala niya sa akin.

Natawa ako dahil sa kanyang naging reaksyon. Nawala na naman kasi sa isip ko ang bagay na iyon.

Hindi na ako muli pang nagsalita. Agad kong inilapit ang aking bibig sa basong hawak niya at uminom sa juice niya.

“Ang sarap!” hindi ko napigilang maging reaksyon nang malasahan ko ang juice.

“I know! Kaya ngayong alam mo na kung paano gumamit ng squeezer, mas magandang fresh orange juice na lang ang inumin mo kesa sa instant. Mas healthy kasi ’to.” sagot naman niya at inilapag ang baso sa mesa.

Matapos iyon ay nagpatuloy na rin si Oliver sa naantalang pagkain niya. Pinagmasdan ko lamang siya sa magana niyang pagkain na ako mismo ang nagluto para sa kanila.

“Marami ka bang pasyente ngayon sa ospital, Daddy?” bigla kong tanong makalipas ang ilang sandali habang nakangiti.

Nilingon akong muli ni Oliver at gumuhit din sa kanya ang ngiti.

“’Yan. Ganyan nga, Weldy. Bukod sa pinagsisilbihan at sinasamahan mo ako sa pagkain ko, responsibilidad mo rin bilang asawa ko na alamin kung saan ako pupunta at kung ano ang pagkakaabalahan ko.” nakangiti niyang pagpuna sa akin.

Hindi ko alam ang dapat na isagot sa sinabi niyang iyon kaya tanging pagkagat lang ng aking ibabang labi ang nagawa ko para mapigilan ang pagngiti ko.

“And to answer your question, yes, may kailangan akong i-monitor na pasyente mamaya kaya hindi rin ako matutulog dito ngayong gabi.” sagot nito sa tanong ko at muling sumubo ng kinakain nito.

Dapat ay normal na sa akin ang bagay na ito. Dapat nga ay tulad nang dati, mas gugustuhin kong wala na lang siya tuwing gabi rito dahil hindi ako makatulog nang maayos tuwing siya ay naririto. Pero nang marinig ko ang sinabi niyang iyon ay may kung ano sa aking dibdib na naging dahilan para makaramdam ako ng lungkot sa mga oras na ito.

“G-gano’n ba..?” reaksyon ko sa malungkot na tono.

Mukhang malakas talaga ang pakiramdam ni Oliver dahil muli niya akong nilingon. Kasunod nito ay ngumiti rin siya at bahagyang kinurot ang aking ilong.

“’Wag kang mag-alala, Weldy. Simula bukas at sa mga susunod na araw, magiging maluwag na ang schedule ko. Wondering why? Dahil gusto kong magfocus sa ’yo tulad na rin ng ipinangako ko. Natatakot ako na baka isang araw, makalimutan mo na talagang asawa mo ako.” paliwanag nito at natawa pa nang bahagya sa huli.

Nang marinig ko iyon ay nagbalik sa akin ang sigla.

“Talaga?!” paniniguro ko sa kanya.

“Mmmm!” sagot niyang tumatango.

Halos maikuyom ko ang aking mga kamao para pigilang mapasigaw sa mga oras na ito. Gusto ko sanang siyang yakapin ulit ngunit baka isipin niyang abusado na ako.

Nagpatuloy pa kami sa masayang kwentuhan ni Oliver habang kumakain siya ng kanyang agahan. May pagkakataon na gumagamit siya ng salitang ingles na hindi ko maintindihan, pero tulad ng kanyang ipinangako, ipinapaliwanag niya iyon tuwing umiiral sa akin ang katahimikan.

Matapos ang kanyang pag-aagahan ay inasikaso ko naman ang kanyang mga gagamitin para sa kanyang pagtatrabaho. Magmula sa kanyang mga susuoting damit hanggang sa kanyang mga dadalhing gamit sa ospital na kanyang pinapasukan ay ako ang personal na umasikaso. Kinulit ko pa siya maging si Ate Aning kung ano-ano pa ang madalas nitong dalhin para sa susunod ay ako na rin mismo ang maghahanda nito.

“Ingat ka, ha?” nakangiti kong pamamaalam sa kanya habang iniaabot ang medical bag na ipinakilala niya sa akin kanina.

Naririto na kami sa tapat ng kanyang kotse at naghahanda na siyang umalis.

“Kayo rin dito. Ikaw pa rin ba ang magsusundo sa mga bata mamaya?” sagot at pagtatanong nito.

“Mmm-mmm!” sagot kong tumatango.

“Mag-iingat ka, okay? At kung pwede sana, ’wag ka munang gumala sa village na ’to dahil medyo malaki ang lugar na ’to. Next time na lang tayo mamasyal kasama ang mga bata.” pagbibilin pa nito.

Tumango pa rin ako habang nakangiti bilang pagsagot. Hindi naman talaga ako makakagala rito dahil baka maligaw ako. Hindi pa ako rito pamilyar kaya dapat ay makuntento na lang ako sa paghatid at pagsundo sa mga anak ko.

Hindi ko alam kung may nakalimutan pa ba siyang ibilin sa akin o may nakalimutan pa siyang dalhin, pero matapos niyang magsalita ay nanatili lang siyang nakatayo sa aking tapat habang diretsong nakatingin sa aking mga mata.

“Daddy? May nakalimutan ka pa bang ibilin? May nakalimutan ka pa bang dalhin? Ako na lang ang kukuha kung gusto mo. Ano ba ’yon? Saan ko makikita? Sa kwarto ba?” sunod-sunod kong tanong sa kanya.

Napakamot siya sa kanyang batok at rumehistro sa kanya ang tila pagkahiya.

“A-ahhh… Wala naman.” tipid lang na sagot nito.

Medyo naguluhan ako kaya hindi ako nakapagbigay ng reaksyon dito.

“P-paano, Weldy? Aalis na ako.” nauutal na pamamaalam muli nito. Parang nahihiya talaga siya.

Ibinalik ko ang aking pagkakangiti saka ko sinagot ang sinabi niya.

“Mag-iingat ka, ha?” pag-uulit ko sa bilin ko kanina. Hindi ko pa rin hinuhubad ang malapad na ngiti ko sa kanya.

“S-sige… Aalis na ako.”

“Ingat ka.”

“Salamat… Sige, aalis na ako.”

“Kaya nga. Mag-iingat ka, Daddy.”

“Sige, dito na ako.”

“Sige, ingat ka nga.”

Malapit na akong mainis kay Oliver. Paulit-ulit lang naman siyang nagpapaalam pero hindi pa rin siya umaalis hanggang ngayon sa kanyang pwesto.

“Paano? Aalis na ak––”

“Ano ba talagang nakalimutan mo, Daddy? Malapit na akong mainis sa ’yo.” pagputol ko sa kanya habang suot na ngayon ang aking pekeng ngiti dahil sa pinipigilang inis ko.

Napapikit siya sa hindi ko malamang dahilan. Kasunod nito ay huminga siya nang malalim at tiningnan muli ako nang diretso.

“Mag-iingat kayo ng mga anak natin! Aalis na ako.!” mabilis niyang pagsasalita.

Ang akala ko ay hanggang doon lang, pero nagulat ako nang bigla siyang lumapit sa akin at hinalikan ang pisngi ko.

“Bye, Weldy! See you tomorrow!” pahabol niya pang pamamaalam habang pumapasok sa kotse nito.

Ang orihinal kong plano ay kakaway ako kay Oliver sa oras na makaalis ito, pero dahil sa nangyari ay wala akong nagawa kundi ang matulala na lamang habang pinapanood ang kotse niyang papalayo na ngayon sa aking pwesto.

Nang tuluyang makaalis si Oliver ay hindi pa rin ako nakaalis sa aking kinatatayuan. Nanatili akong tinatanaw ang malayo kung saan ko huling nakita ang kanyang sasakyan.

Sa hindi ko malamang dahilan, naiangat ko ang aking kamay. Dapat ay kakapain ko ang parte ng aking pisngi kung saan niya ako hinalikan, pero nagtungo ang aking palad patungo sa aking dibdib dahil sa kakaibang pakiramdam.

Nandito na naman. Heto na naman ang puso kong tila may mga kabayong naghahabulan. Napakabilis ng tibok nito na hindi ko kayang kontrolin at pigilan.

Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto akong nasa ganoong posisyon, nagising na lamang ako dahil sa isang pagkalabit mula sa aking likuran.

“Huy, Kuya Weldy! Move on na! Kanina pa nakaalis ang asawa mo! Baka gusto mo nang pumasok sa bahay n’yo? Doon mo na lang isigaw sa loob ang kilig mo!” paninita ng isang babae na hindi ko namalayan ang pagdating nito.

“A-ate Loca…” sambit ko sa kanyang pangalan nang masilayan ko ang kanyang mukha. Nakarating na pala ito mula sa pamamalengke niya. May hawak pa itong basket na ang laman ay mga gulay at isda.

Gumuhit ang nakakalokong ngiti sa kanya.

“Uuyyy~ Nakita ko ’yon! Hinalikan ka ni Kuya Oliver! Kaya ka ba kinikilig ngayon?! Nanumbalik na ba ang pagmamahal mo sa asawa mo, Kuya Weldy?! Ayyiee~~” kantiyaw nito habang sinusundot ang tagiliran ko.

Pinigilan kong magpaapekto sa kanyang pangngantiyaw.

“Heh! Manahimik ka, Ate Loca! May kasalanan ka pa sa akin, ha?! Humanda ka lang talaga sa akin! Tinuturuan mo ako ng mali! May pa-coffee, tea or me ka pang nalalaman!” pagsaway at panunumbat ko sa kanya. Kasunod nito ay tinalikuran ko na rin siya.

“Ha?! Ang ibig mong sabihin, naitanong mo na ’yon sa kanya, Kuya?!” tanong niya mula sa aking likuran.

“Manahimik!” kunwari ay pagsusungit ko habang naglalakad papalayo sa kanyang pwesto.

Narinig ko pa siyang tumili sa kabila ng aking pagsusuplado. Kakaiba talaga silang dalawa ni Ate Aning, parang hindi nasisindak sa mga amo.

Sa totoo lang ay hindi naman ako naiinis sa ginawa ni Ate Loca. Sinadya ko lang magsungit para makaiwas sa kanya. Hanggang ngayon kasi ay ramdam ko pa rin ang mabilis na tibok ng aking puso dahil sa ginawang paghalik ni Oliver sa akin kanina.

Ito na ba ang sinasabi nina Ate Aning at Ate Loca na kinikilig? Isa pa, dahil sa mga paliwanag na ibinigay nila noon tungkol sa salitang ‘in love’, hindi kaya ito na ang nararanasan ko ngayon? In love na ba ako kay Oliver?

Napailing ako habang naglalakad patungo sa loob ng bahay.

“Hindi pwede. Lalaki pa rin ako na naniniwalang babae ang makakatagpo ko. Higit sa lahat, hindi ako pwedeng ma-in love kay Oliver. May asawa siya at hindi ako ’yon. Ako lang ang tumatayong asawa niya sa ngayon habang wala ang orihinal na hindi ko alam kung nasaan ngayon.” bulong ko sa aking sarili habang nakayuko at dinadama pa rin ang mabilis na pagtibok ng aking puso.


A/N

Salamat sa paghihintay, guys! Pasensiya na, sobrang busy lang talaga.

Anyway, ang isa sa mga inaabangan nating kaganapan ay nasa susunod na chapter. Secret walang clue! Chos!

Para nga po pala kay

Mich_Lee143

ang chapter na ito. Siya rin po ang may gawa ng mga cover na makikita ninyo sa unang bahagi ng chapter na ito. Maraming salamat, sexy! Hugs and kisses!

Paano po? ’Til next chapter na lang! Salamat sa matiyagang paghihintay! Labyu!

–– cold_deee ❤

03.11.2018

Chapter 10

Pwede n’yo po i-play ang nasa media habang nagbabasa.

Song title: Let The Love Begin - By; Kyla and Jerome

(© to dancil123 for the video.)

  ![](https://img.wattpad.com/f6fe608270b3b10181ce2d23d03fda26cc3870a0/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f30585171672d4565324b4d5362673d3d2d3438353333373138352e313531623266326231373864306434393737333730363437313939352e6a7067)

FRANCE

POV

Kinakabahan na ako habang naririto sa pinto ng bahay dahil sa mahabang paghihintay. Pumatak na ang hating-gabi at ngayon ay madaling araw na ngunit wala pa rin ang taong nangakong makakauwi ngayon araw.

“Nasaan na kaya ’yon?” bulong kong tanong dahil sa pag-aalala.

Inaasahan kong uuwi ngayong gabi si Oliver tulad ng sinabi niya sa akin. Nakatanggap din ng text kanina si Ate Aning para kumpirmahing dito nga siya mananatili ngayong gabi. Pero nakatulog na at lahat ang mga bata dahil sa paghihintay, wala pa rin siya.

Saglit kong nilingon ang orasan na nasa bandang sala, alas dos na ng madaling-araw pero wala pa rin si Oliver. Hindi ko maiwasan ang mag-isip na baka may kung ano nang nangyaring hindi maganda sa kanya.

Lumabas ako ng bahay at tinungo ang aming gate. Nakailang beses na rin akong nagpabalik-balik dito para abangan ang sasakyan ni Oliver. Pinapak na nga ako ng mga lamok dahil sa paghihintay, pinagsawaan na nila ang mura kong katawan, pero heto at wala pa rin ang aking inaabangan.

May ilang minuto pa akong naghihintay sa pagdating ni Oliver dito sa labas ng gate hanggang sa may maaninag akong mga ilaw na nagmumula sa isang sasakyan. Agad akong umayos ng pagkakatayo sa pagbabaka sakaling si Oliver na nga iyon. At nang tuluyan itong makarating sa aking pwesto ay nakahinga na ako sa wakas nang maluwag.

“Daddy…” mahina kong bulong nang makumpirma kong kotse niya nga itong pumarada sa tapat ng aming bahay.

Humakbang ako patungo sa pintuan kung saan siya nakapwesto, pero natigilan lang din ako nang makilala ko kung sino ang nagmamaneho ng kotse sa mga oras na ito.

“Pakibuksan mo ang gate.” malamig na utos sa akin ng lalaking siyang nagmamaneho ng kotse ni Oliver.

“K-kuya Michael…” nauutal kong pagtawag sa kanyang pangalan dahil sa pagkabigla.

Anong ginagawa niya rito? Saka bakit kasama siya ni Oliver sa mga oras na ito? Ang alam ko kasi ay may sariling bahay ito.

“Ano na? Wala ka bang balak na gumalaw diyan? Kailangan nang makapagpahinga ni Oliver!” mas malakas na niyang pagtawag sa aking pansin.

Nang sabihin niya iyon ay sinilip ko ang kabilang bahagi ng upuan sa kanyang tabi. Doon ko nakita si Oliver na nakapikit at tila wala sa kamalayan.

Dahil sa aking nakita ay mabilis akong nataranta. Kumilos ako para sundin ang utos ni Kuya Michael na buksan ang gate.

Pinanood ko lang ang pagpasok ng kotse sa aming gate para pumarada. Kasunod nito ay mabilis ko ring isinara ang gate na iyon at nagtungo sa pwesto kung saan nakapwesto ang aking asawa.

“Tabi diyan.” malamig pa ring utos sa akin ni Kuya Michael para bigyan ko siya ng daan.

Agad ko siyang sinunod hanggang sa mabigyan siya ng pagkakataon na buksan ang kotse at ilabas mula roon si Oliver na tila wala pa ring malay sa mga oras na ito.

“T-tulungan mo ako! Mabigat si Oliver!” tila nahihirapan niyang pagbibigay utos sa akin habang akay si Oliver. Inilagay niya ang isang braso ni Oliver sa kanyang balikat habang sinusuportahan ang bewang nito.

Kumilos ako para magtungo naman sa kabilang bahagi ni Oliver at inilagay din ang isang braso nito sa aking balikat.

“Ugh! Ang bigat!” hindi ko napigilang reaksyon nang tumulong na ako sa pag-akay. “Ano ba kasing nangyari?!” sunod ko pang tanong kay Kuya Michael.

Hindi muna sumagot si Kuya Michael hanggang sa sinimulan na niyang humakbang habang akay pa rin namin si Oliver. Nagpadala naman ako sa pag-alalay kay Oliver na hanggang ngayon ay wala pa ring malay.

“Nalasing, eh. Nagpunta kami sa bar para mag-inom, pero hindi ko na siya nakontrol dahil nagpupumilit. Kaya heto, kinailangan ko pang ihatid dito!” sagot nito sa kaninang katanungan ko.

“Nag-inom? Ng alak?!” nabibiglang tanong ko pa rin sa kanya.

Nasulyapan ko si Kuya Michael kung paano ito umiling sa hindi ko malamang dahilan.

“Damn! May nalalasing ba sa tubig?! Natural, alak ang sinasabi ko!” sarkastiko nitong paglilinaw.

Hindi ako nakaimik dahil sa paraan ng pagsagot niyang iyon. Nakaramdam ako ng hiya dahil tila pinamumukha niyang wala talaga akong alam. Wala akong laban doon dahil totoo naman, kaya naman pinili kong manahimik na lang.

Hanggang ngayon ay nahihiwagaan pa rin ako sa taong ito, kay Kuya Michael. Alam kong sa likod ng kanyang masasamang tingin at matalas na pananalita ay may nagtatagong dahilan kung bakit ganito siya makitungo sa akin. Wala pa rin akong ideya hanggang sa ngayon kaya wala akong mapagpipilian kundi ang makiramdam at paminsan-minsang makisang-ayon.

Nagpatuloy pa kami sa maingat na pag-akay kay Oliver hanggang sa makarating kami ng hagdan. Ngayon ko lang din naaamoy ang singaw ng alak na nagmumula kay Oliver. Mukhang naparami nga ang kanyang inom dahil kahit pa nakakahakbang siya ay pikit pa rin ang kanyang mga mata.

Nakarating kami sa ikalawang palapag at dumiretso na rin kami sa aming kwarto ni Oliver. Wala na rin namagitan pang usapan sa amin ni Kuya Michael. Mas mabuti na rin iyon dahil hindi ko rin naman gustong makausap ang gaya niya. Pakiramdam ko ay wala siyang gagawin kundi ang sindakin ako o ipahiya.

“Dahan-dahan lang.” sambit ko habang inaaalalayan naming makahiga nang maayos si Oliver sa kama.

“Hindi ako tanga para ipahamak si Oliver. Kaya nga nakauwi ’yan nang maayos dito, ’di ba?” sarkastiko na namang sagot sa akin ni Kuya Michael.

Naikuyom ko ang aking kamao dahil sa labis na pagtitimpi. Kapag nagpatuloy pa siyang ganito sa akin, baka sapatusin ko na lang ang taong ito. Nakakainis na talaga ang ipinapakita niyang ugali sa akin.

Nagdidikit pa rin ang mga ngipin ko nang magdesisyon akong asikasuhin na lamang si Oliver. Hinayaan ko na lang ang mga huling sinabi ni Kuya Michael. Ayaw kong magsayang ng oras sa kagaya niya dahil mas kailangan ako ngayon ni Oliver.

Nagtungo ako sa bandang paanan ni Oliver para tanggalin ang sapatos at medyas niya. Si Kuya Michael naman ay nasa tabi ng kama na nakatayo at nakakunot ang noo habang pinagmamasdan ngayon ang aking asawa. Hindi ako sigurado, pero mukhang problemado rin siya sa mga oras na ito.

’Sus! May gusto yata ’to sa asawa ko, eh?! Iba kung makatingin, oh?! Batuhin ko kaya ‘to ng sapatos?! Pilingero! Hindi siya magugustuhan ni Oliver dahil malaki rin ang katawan niya! Hindi sila bagay!’

Marami pa akong sinasabi sa aking isip patungkol kay Kuya Michael habang patuloy kong inaasikaso si Oliver. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo ngayon sa isip ng lalaking ito habang nakatitig pa rin sa asawa ko.

Matapos ang pagtanggal ko ng medyas at sapatos kay Oliver ay agad din akong nagtungo sa tabi ni Oliver. Umupo ako sa kanyang tabi para suriin kung ayos lang ba ito.

“Tabi nga diyan! Paharang-harang!” bulong kong pagtataboy kay Kuya Michael dahil hindi pa rin siya umaalis sa kanyang pwesto. Naroon pa rin siya sa tabi ni Oliver na nakatayo.

Mabuti naman at marunong din makinig ang lalaking ito dahil bahagya siyang umatras para mabigyan ako ng daan. Kung hindi pa kasi siya umalis sa pwesto niyang iyon, hindi talaga ako magdadalawang-isip na pag-initan ang paa niya at tatapak-tapakan. Iyon nga lang, dahil sa aking inasal ay alam kong naging matalim ang tingin niya sa akin na parang lalapain ako nang buhay.

Pinagmasdan kong mabuti si Oliver. Gwapo pa rin naman siya kahit lasing na lasing. Medyo nakakunot nga lang ang noo nito dahil siguro sa hilo. Mukhang may malay naman ito dahil naigagalaw niya ang kanyang ulo bagama’t nakapikit ang mga mata nito.

Nasa ganoon akong pagsusuri kay Oliver nang marinig ko ang pagsasalita ni Kuya Michael na malapit lang din sa aming pwesto.

“Gisingin mo sina Aning o kaya si Loca para malinisan ang katawan niya. Sila na rin ang utusan mong magpalit ng damit niya. Hindi siya pwedeng matulog nang ganyan.” malamig na naman nitong utos sa akin.

Hindi ko siya nilingon. Bastos na kung bastos, pero wala akong balak na magpasindak sa taong ito.

“Natutulog na sila. Hindi naman makatarungan kung iistorbohin ko pa sila. Duh?” pagsalungat ko sa kanya.

Mabuti na lang at may natutunan din akong sarkastikong salita mula kina Ate Aning at Ate Loca tuwing nag-aasaran sila. Malaking bagay din iyon dahil nagagamit ko ito sa mga katulad ni Kuya Michael na nakakairita.

Matapos kong sabihin ang bagay na iyon ay nagulat ako nang biglang magtaas ng boses si Kuya Michael dahilan para lingunin ko siya.

“E, sinong mag-aasikaso diyan?! ’Wag mong sabihing ikaw?!” mataas na boses niyang pagtatanong habang dinuduro si Oliver kasunod ay ako.

Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang dinuduro ako. Aminado akong mangmang ako, pero walang karapatan ang sino man para duruin ako nang tulad nito.

Tuluyan nang naubos ang pasensiyang itinatago ko. Nakipaglaban na rin ako ng pakikipagtitigan sa lalaking masama ang tingin sa akin sa mga oras na ito.

“At anong masama kung ako ang mag-aasikaso sa kanya?! May iba pa bang dapat na mag-asikaso sa kanya maliban sa akin?!” tanong ko sa kanya pabalik sa mataas ko ring boses.

Gusto kong magdiwang sa mga oras na ito dahil nakita ko kung paano rumehistro sa kanya ang pagkagulat dahil sa inasal ko. Hindi rin siya nakapagsalita dahil siguro sa pagkabigla. Dahil dito ay mas ginanahan pa akong ipagpatuloy ang mga sinasabi ko. Pero bago iyon ay ngumisi muna ako at itinaas ang isang kilay ko.

“Baka nakakalimutan mo?! Asawa ako ni Oliver! At kung may unang tao na dapat umasikaso sa kanya, wala iba ’yon kundi ako. Naiintindihan mo?!” pagpapaalala ko sa kanya sa sarkastiko ko ring tono.

Muli ay hindi siya nakaimik. Mukhang sa pagkakataong ito ay siya na ngayon ang nasindak ko.

Hindi pa ako nakuntento. Mas nilaparan ko pa ang aking pagkakangisi at nagpatuloy sa mga sinasabi ko.

“O, baka naman gusto mong ikaw pa ang umasikaso sa ASAWA KO?! Mas masama naman ’yon kung iisipin, ’di ba? Mas masagwang tingnan dahil hindi kayo bagay na dalawa. Kuha mo?” pagpapatuloy ko sa nang-aasar na tono.

Ito na nga ba ang sinasabi ko. Kapag naiinis at nagagalit ako, nawawalan ako ng kontrol sa sarili ko. Nasasabi ko pati ang mga bagay na tumatakbo lang kanina sa isip ko.

Nang marinig niya ang sinabi kong iyon ay rumehistro sa kanya ang ekspresyong hindi makapaniwala.

“What?! Are you serious?! The hell are you talking about?!” naiinis niyang reaksyon sa aking sinabi.

Hala?! Nag-ingles pa! Lalo na kaming hindi magkakaintindihan nito! Pambihira naman talaga!

“Nebermayn.” tangi ko lang nasabi at inikutan siya ng mata. Kasunod nito ay ibinalik ko ang aking tingin sa nahihimbing kong asawa.

Magpapasalamat talaga ako kina Ate Aning at Ate Loca sa oras na makausap ko sila. Kahit paano kasi ay may natututunan ako sa kanila. Ganoon kasi ang kanilang nagiging reaksyon tuwing sumusuko na sa pagpapaliwanag ang isa sa kanila.

Narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga ni Kuya Michael mula sa aking likuran. Ramdam kong siya na ngayon ang nagtitimpi sa mga oras na ito. Siya ang unang sumuko sa aming pagtatalo.

“Bahala ka!” tangi niya lang nasabi makalipas ang ilang sandali.

Matapos niya rin sabibin iyon ay naramdaman kong mabilis din siyang umalis sa kanyang pwesto. Ang malinaw lang sa akin ngayon ay papalayo na ito at mukhang tinutumbok na ang pinto palabas nitong kwarto.

Hindi ko pa rin siya nilingon. Natatakot kasi ako na baka mag-ingles na naman siya. Kung sakali kasing mangyari iyon, hindi ko na alam ang isasagot sa kanya. Ayaw ko nang gamitin ang ’ nebermayn ’ dahil baka isipin niyang paulit-ulit lang ang sinasabi ko.

Tama nga ako, palabas na siya ng kwarto dahil narinig ko na ang pagbukas ng pinto. Pero bago ko pa marinig ang pagsara ng pintong iyon ay narinig ko na naman ang boses nito.

“Dito ako matutulog ngayong gabi! Bukas na lang ako uuwi!” pagbibigay nito ng impormasyon.

Naiikot ko na naman ang aking mga mata.

“E, ’di sweet dreams! Paki-lock ang pinto, ha?! Baka kasi pumasok ka rito para masilip ang asawa ko?!” pang-aasar ko pa rin sa kanya nang hindi nakatingin.

Bahala siya diyan, hindi talaga ako magpapatalo kung asaran ang pag-uusapan. Kung naiinis siya sa akin, naiinis din ako sa kanya kaya patas lang.

Matapos iyon ay narinig ko na lang ang pagsara ng pinto sa padabog na paraan. Mukhang nakalabas na siya rito sa kwarto nang tuluyan.

Katahimikan na ang bumalot sa kapaligiran. Naririto pa rin ako at nakaupo sa tabi ni Oliver na wala pa ring malay sa mga naging kaganapan. Hindi ko maiwasang makaramdam ng inis kay Oliver dahil umuwi siya nang ganito ang kalagayan. Mabuti na lang at tulog na ang mga bata kaya hindi na nila makikitang ganito ang kondisyon ng kanilang ama.

Matapos ang ilang minutong pagtitig sa maamong mukha ni Oliver ay nagdesisyon na rin akong kumilos para asikasuhin siya. Sanay akong bihisan ang mga bata dahil sa bahay-ampunan pa lang ay iyon na ang aking naging trabaho. Pero ang magbihis ng mas malaki pa sa akin, magiging unang karanasan ko pa lamang ito.

“Daddy? Hindi ka pa ba gigising? Ikaw na lang kaya ang magbihis sa sarili mo?” pakikipag-usap ko kay Oliver kahit alam kong nahihimbing pa rin ito.

Inaamin ko na, nagpapawis na ako sa mga oras na ito. Hindi ko rin maikakailang naririnig ko na ang malakas ng tibok ng aking puso dahil sa kabang nararamdaman ko. Parang ngayon ko naiisip na sana ay pinakinggan ko na lang si Kuya Michael kanina noong sinabi nitong sina Ate Aning at Ate Loca na lang ang umasikaso rito.

Pero dahil nandito na ito, wala na talaga akong mapagpililian kundi ang gawin ang bagay na ito. Sisimulan ko na lamang ang lahat sa pamamagitan ng malalim na buntong-hininga ko.

Dahan-dahan ay inangat ko ang aking mga kamay para abutin ang butones ng polo na suot ni Oliver. Nakita ko pa kung paano nanginginig ang aking mga kamay nang simulan kong tanggalin ang pagkakakabit ng unang butones.

Naging matagumpay naman ako sa pagkakatanggal sa unang butones kaya bahagya akong nakahinga nang maluwag. Pakiramdam ko ay sumali ako sa isang palaro at nalampasan ko ang unang pagsubok nito.

Nagpatuloy ako sa pagtatanggal ng mga sumunod na butones. Sa bawat pagtanggal ko rito, hindi ko rin maiwasang magbitiw ng malalim na paghinga ko. Nasisilip ko na ang bahagi ng maumbok na dibdib ni Oliver ngunit pilit kong iniiwas ang mga mata ko rito.

Wala na talaga akong takas, kailangan ko nang tanggapin ang mga susunod na magaganap. Kaya kahit nanginginig pa rin ang aking mga kamay ay ibinuka ko ang kanyang polo para tuluyan na siyang mahubaran.

“Santisima Trinidad…” sambit ko at napapikit pa ako nang masilayan ko ang perpektong katawan ng asawa ko.

Wala talaga akong maipipintas sa lalaking ito. Makinis, maputi at maganda ang hubog ng katawan niya. Kung makikita lang ito nina Ate Aning at Ate Loca, baka humingi na lang sila ng kape dahil sa anim na pandesal na bubungad sa kanila.

Tulad kanina, isang malalim na buntong-hininga na naman ang aking pinakawalan. Kailangang matapos na ako rito dahil baka sikatan na ako ng araw ay hindi ko pa siya nabibihisan.

Pikit-mata akong kumilos para tanggalin naman ang kanyang polo mula sa kanyang pagkakasuot. Maingat ko siyang inalalayan para makatagilid hanggang sa alisin ko na nang tuluyan ang kanyang polo. Naging matagumpay naman ako roon hanggang sa tanging pantalon na lang ang tumatakip sa kalahati ng katawan niya ngayon.

“Oo nga pala… May pantalon pa…” nanghihina kong bulong nang maituon ko ang aking paningin patungo sa ibabang bahagi ng katawan niya.

Parang may pasan akong limang sako ng bigas nang magtungo ako sa ibabang bahagi nito. Mabigat ang bawat pagkilos ko dahil pa rin sa nerbiyos na nararamdaman ko.

Muli akong naghanda. Tulad kanina, nang iangat kong muli ang aking kamay ay nanginginig pa rin ito dahil pa rin sa kaba. Inuna kong hawakan ang bakal sa sinturon ng kanyang pantalon. Gamit ang dalawang daliri ng bawat kamay ko ay dahan-dahan kong tinanggal ang buckle ng sinturon nito. Nagmukha tuloy akong alimango dahil sa paraan ng pag-alis ko rito.

“Patawarin nawa ako…” bulong ko na namang pagdadasal dahil pakiramdam ko ay malaking kasalanan ngayon ang ginagawa ko.

Nang matanggal ko ang bakal sa kanyang sinturon ay dalawang daliri pa rin ang gamit ko nang tanggalin ko naman ang butones ng pantalon niyang iyon. Naging matagumpay naman ako ngunit napatigil ako saglit nang mapag-isip-isip ko ang susunod na tatanggalin ko.

“Pambihira… Paano ko ibababa ang zipper mo..?” nanghihina ko pa ring bulong na tanong kay Oliver.

Ano bang klaseng parusa ’to? Sa ilang taon kong nabubuhay dito sa mundo, ito na yata ang pinakamalaking pagsubok na naranasan ko. Aminado naman akong may kasalanan ako dahil sa pagpapanggap kong asawa nito, pero pwede bang lamunin na lang ako ng lupa kesa sa ganito? Pakiramdam ko ay lalo pang madadagdagan ang aking mga kasalanan dahil dito.

Parang gusto ko nang umiyak, pero tulad ng sinabi ko kanina, wala naman akong magagawa kaya kailangan kong ituloy ito.

Kumilos ako para muling sipatin ang dulo ng zipper ni Oliver. Kailangan kong yumuko para makita ito dahil bukod sa nagtatago ang dulo ng zipper na iyon ay medyo madilim pa rito sa kwarto. Kung bakit naman kasi kulay dilaw ang ilaw dito at hindi puti. Tuwing may araw ko nga lang nasisilayan ang kabuuan ng kwarto dahil sa liwanag na nagmumula sa mga bintana rito.

Nang tuluyan kong makita ang aking hinahanap ay hindi na ako nagdalawang-isip pang kunin ang dulo ng zipper na iyon gamit pa rin ang dalawang daliri ko. Habang nakapikit at sa bawat paghatak ko pababa sa zipper ay ang taimtim kong pagdarasal. Paulit-ulit na dasal hanggang sa maramdaman kong nakaabot na sa dulo ito.

Nang tuluyan kong maibaba ang zipper ay bahagya na akong nakahinga nang maluwag. Nagpapasalamat ako dahil hindi ko naramdamang dumapo ang aking daliri sa parte ng kanyang…….

pag-aari.

Pakiramdam ko tuloy ay ang galing ko. Gusto kong isipin na may nadiskubre ako sa aking sarili na bagong talento.

Lalo pa akong nakaramdam ng kaginhawaan nang makita kong ang nasa loob ng kanyang pantalon ay hindi ang mismong pangloob nito. Nakita kong suot niya ang isa sa mga short na nasa damitan namin dito.

“Buti na lang…” sambit ko kasabay ng malalim na paghinga.

Kung kanina ay nag-uumapaw ang aking kaba, ngayon ay bahagyang nabawasan na. Nahihirapan man ay naging maingat ako sa pagbaba ng pantalon niya. Hinihingal pa ako nang tuluyan ko itong matanggal sa pagkakasuot niya.

“Nakakainis ka!” hindi ko napigilang hinaing dahil sa pagpapahirap niya.

Gusto ko pa sana siyang sumbatan pero hindi ko rin matagalan na siya ay tingnan. Ngayon kasi ay tanging short na lang ang takip ng katawan niya. Lantad na lantad tuloy ang lahat sa kanya maliban sa maselang parte niya.

Nanghihina pa rin akong kumilos para magpunta naman sa banyo na naririto. Kailangan kong malinisan agad ang kanyang katawan dahil baka magkasakit ito kung matatagalan pa siyang walang damit o kumot man lang.

Habang inihahanda ang aking mga gagamitin sa paglilinis kay Oliver ay nakapagdesisyon na rin akong sa sofa muna matutulog sa gabing ito. Kahit pa magalit siya bukas dahil nagkapalit kami ng tutulugan, wala na akong pakialam. Mabuti na rin iyon, para kahit ngayong gabi man lang ay maging komportable siya sa kanyang tutulugan.

Nang makabalik ako sa kama kung saan siya nakahiga ay hindi ko maiwasang makaramdam ng inis sa kanya. Maging nang simulan kong linisin ang kanyang katawan gamit ang basang towel na nilagyan ko ng alcohol ay hindi ko napigilang sermonan siya.

“Iinom-inom tapos hindi naman kaya!” panimula ko habang pinupunasan ang mukha niya.

“Uuunnggghh…” ungol naman niya. Mukhang nagigising ko na siya dahil naging madiin ang bawat pagpunas ko sa mukha niya.

“Sumasagot ka?! Nagrereklamo ka?! Ikaw kaya ang maglinis ng katawan mo?! Pahirap ka rin, eh!” sermon ko pa rin sa kanya.

Papaling-paling siya ng kanyang ulo ngunit nanatiling nakapikit ang mga mata nito.

“Hindi mo man lang ba inisip na may naghihintay sa ’yo rito?! Na may nag-aalala sa ’yo rito?! Sana naman nagpasabi ka! Mahirap bang magpaalam kahit sa mga anak mo man lang?! May telepono naman, ’di ba?! Bakit hindi ka tumawag kahit isang beses lang?!” pagbubunganga ko na habang pinupunasan ang kanyang braso maging sa kanyang dibdib at tiyan.

Mas nangingibabaw na talaga ang inis ko sa kanya kaya hindi ko na alintana kung nahahawakan ko na ang mga parteng iyon ng katawan niya. Kung pwede lang na gisingin ko siya para mapangaralan ay ginawa ko na. Pero dahil sa kondisyon niya ngayon ay alam kong hindi niya rin ako maiintindihan.

Nagpatuloy pa ako sa pagpupunas sa kanya hanggang sa mga binti at paa niya. At habang ginagawa ko iyon ay hindi rin ako tumitigil sa panenermon sa kanya. Naririnig ko ang kanyang mga pag-ungol na tila nakikipag-usap at nakikipagtalo siya ngunit hindi ako nagpatalo sa kanya. Wala na akong pakialam kung naririnig niya ako o hindi, ang mahalaga sa akin ay ang mapag-isip-isip niyang mali ang kanyang nagawa.

Nang masigurong nalinisan ko na siya ay hinihingal akong tumayo at pinagmasdan siya. Nakaramdam ako ng pagod dahil sa bigat ng katawan niya. Kahit ang kanyang mga braso at binti ay nahirapan akong linisin dahil higit na mas malaki ang katawan niya sa akin. Nakapikit pa rin siya at patuloy na umuungol dahil sa pagkalasing.

Saglit kong ibinalik sa banyo ang aking mga ginamit para sa paglilinis sa kanya. Kasunod nito ay binalikan ko rin siya para lagyan ng kumot dahil baka lamigin siya. At nang masigurong magiging komportable na siya sa kanyang magiging pagtulog ay dahan-dahan akong umupo sa tabi niya.

“Bakit kasi nag-inom ka?!” tanong ko pa rin sa kanya. Hanggang ngayon kasi ay naiinis pa rin ako sa kanya.

“Uunngghhh….” sagot niya lang sa aking umuungol habang nakapikit.

“Paano na lang kung gising pa ang mga bata at makita ka nilang ganyan?! Gusto mo bang matakot sila?!” tanong ko sa kanya.

Nababaliw na yata ako? Alam ko namang hindi siya makakasagot nang maayos pero hindi pa rin ako natigil sa panenermon dito.

“Nakakainis ka, alam mo ba ’yon?! Pasalamat ka at lasing ka! Dahil kung hindi, baka buong araw kitang sinesermonan!” pangaral kong nagdidikit ang ngipin habang tinutulak ang kanyang mukha gamit ang aking hintuturo.

Alam kong hindi niya magugustuhan ang aking ginagagawa kung nasa kamalayan lamang ito. Pero dahil sa labis kong inis ay hindi ko talaga makontrol ang aking sarili na gawin ito.

“Uulit ka pa?! Ha?! Uulit ka pa?!” tanong kong inis na inis sa kanya. Patuloy rin ako sa marahang pagtulak sa kanyang mukha.

Nabuang na talaga ako dahil parang nagbabaka sakali akong sasagot ito. Muli ko pang itinulak ang kanyang mukha at itinuloy ang aking pagbubunganga.

“Gawin mo ulit ito, ha?! Sinasabi ko sa ’yo, Oliver! Sa oras na mangyari pa ulit ’to, hindi na lang basta sermon ang matat––”

“Enough…”

Natigilan ako sa aking ginagawa nang marinig ko ang kanyang pagsasalita. Hindi lang iyon, naestatwa ako dahil hawak na niya ngayon ang aking kamay na ginagamit kong pangtulak sa kanyang mukha.

Habang hawak pa rin niya ang aking kamay ay nasaksihan ko kung paano niya unti-unting iminulat ang kanyang mga mata. Sinubukan kong magsalita o kahit tawagin man lang ang pangalan niya, ngunit kahit anong gawin kong pagtatangka ay parang nalunok ko na ang aking dila. Wala akong nagawa kundi ang manlaki ang mga mata dahil sa labis na pagkasorpresa.

“Tama na, Weldy…” mabagal niyang pagsasalita at bahagyang natawa. “Parang kang babae na putak nang putak… Nakakarindi…” dugtong niya pang pagbibiro.

Dahil sa aking narinig ay nagbalik ang inis ko. Sinubukan kong makawala mula sa kanyang pagkakahawak ngunit mas lalo niya lamang hinigpitan ang paghawak sa kamay ko.

“Eh, bakit kasi naglasing ka pa?! Alam mo bang pinapak ako ng lamok sa labas dahil lang sa kakahintay sa ’yo?! Mabuti sana kung ginabi ka lang, eh! Umaga na, Oliver! Inumaga ka na sa pag-iinom mo! Nakakainis ka!” sumbat ko sa kanyang inis na inis.

Muli siyang natawa. Hindi ko alam kung natutuwa ba siya sa reaksyon ko, pero dahil sa kanyang ginagawa ay mas lalo lang nadadagdagan ang inis ko. Hanggang ngayon din ay ayaw niya pa rin bitiwan ang kamay ko.

“Sige, tumawa ka pa! Hindi ka na talaga nakakatuwa! Akala ko responsable kang asawa! Pero heto ka at uuwing lasing! ’Pag inulit mo pa talaga ’to, hindi na ako magdadalawang-isip na—–”

Hindi ko na naituloy ang pagpapatuloy ng aking panenermon dahil sa sumunod na tagpo.

“Anong gagawin mo, Weldy, kung sakaling maulit pa ang paglalasing ko..? Sisigawan mo ba ulit ako..? Sasaktan mo na ba ako..?” tanong niyang nakangiti habang nasa ibabaw ko ito.

Hindi ko alam kung paano. Hindi ko matandaan ang eksaktong detalye kung paano kami nagkapalit ng pwesto. Naging mabilis ang mga pangyayari dahil habang nasa kalagitnaan ako ng pangangaral ko sa kanya ay hinatak niya akong bigla hanggang sa mapahiga ako sa kama. Kaya heto kami ngayon, hawak na niya ang magkabila kong pulsuhan dahilan para hindi ako makawala. Ako na rin ngayon ang nasa ilalim habang nasa ibabaw ko siya at magkalapit ang aming mga mukha.

“O-oliver…” mahina at nauutal kong pagtawag sa kanyang pangalan habang nanlalaki ang aking mga mata.

Hindi siya nagsalita. Suot niya pa rin ang matamis na ngiti nang sinimulan niyang suriin ang aking mukha gamit ang mapupungay niyang mga mata.

Nasaksihan ko kung paano niya ilibot nang dahan-dahan ang mga paningin niyang iyon mula sa aking noo, kilay, pisngi, hanggang sa makarating ito sa aking ilong. Pero nang madako ang kanyang mga mata patungo sa aking labi ay wala akong nagawa kundi ang mapalunok na lang.

Ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso ni Oliver na sinasabayan din ng akin dahil sa magkadikit ang dibdib namin nito. Tila ba nag-uusap ang mga ito at nakakabingi rin ang lakas ng tunog nito.

Mula sa aking labi ay dahan-dahan muling ibinalik ni Oliver ang pagtingin sa mata ko nang diretso.

“Ano, Weldy..? Ano nga ang gagawin mo kung sakaling umuwi ulit ako nang lasing kagaya nito..?” tanong niyang muli sa malambing na tono.

Dahil sa magkalapit ang aming mga mukha ay amoy na amoy ko ang alak na nagmumula sa hininga nito. Sa napapanood ko noon sa telebisyon, madalas kong naririnig ang reklamo ng taong makakaamoy ng alak na hindi nila ito gusto. Pero sa kaso ni Oliver na ngayon ay nakainom, tila ba may kakaibang hatid ang nalalanghap kong hininga niya sa mga oras na ito. May kung ano rito na tila magkahalo ang alak at colgate para magdulot ng kakaibang pakiramdam na hanap-hanapin mo.

Kinakabahan man dahil sa nauwing tagpo ay naglakas-loob akong magsalita. Itinaas ko rin ang aking isang kilay habang diretsong nakatingin sa kanyang mga mata.

“Subukan mo pa ulit umuwi nang lasing! Hindi na ako magdadalawang-isip na pagsarahan ka ng bahay! Hindi ka rito makakapasok! Sa labas ka matutulog! Naiintindihan mo?!” pagbabanta ko sa kanya.

Muli siyang natawa sa hindi ko malamang dahilan. Dahil doon ay nakaramdam ako ng pagkainsulto. Para kasing hindi niya sineseryoso ang sinasabi ko.

“Sige, tawa pa! Akala mo siguro nagbibiro ako, ’no?! ’Wag ako, Oliver! ’Wag mo akong subukan dahil hindi mo pa nakikita kung paano ako magalit! Kaya kung ako sa ’yo, simulan mo nang mag-isip-isip dahil ginagawa ko talag—– ump!!”

Hindi ko na naituloy ang mahaba ko pa sanang panenermon dahil sa isang hindi kapani-paniwalang kaganapan. At ang inaasahan kong pagbabanta ay nauwi sa isang pangyayari na magpapabago sa aking pamumuhay at kasaysayan.

Ngayong gabi, natanggap ko ang unang halik na nagmula kay Oliver. Tuluyan na rin akong nawalan ng lakas na makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ni Oliver nang mamalayan kong magkadikit na ang aming mga labi.

Hindi ako makagalaw. Parang may ilang segundo rin akong napatigil sa aking paghinga. Nakikita kong nakapikit si Oliver ngunit ako ay nanlalaki ang mga mata dahil sa labis na pagkasorpresa.

Gusto kong pumalag. Gusto ko siyang itulak para makaalis na siya mula sa aking ibabaw. Lahat ng bagay na makakasakit ay gusto kong gawin sa kanya pero mukhang huli na.

Makalipas kasi ang ilang segundo ay natagpuan ko na lamang din ang aking sarili na nakapikit. Dinadama ko na ang malambot niyang labi at tinatanggap ang mainit niyang halik.

Hindi ito ang gusto ng isip ko, pero iba naman ang dinidikta ng damdamin ko. Hindi rin sumasang-ayon ang aking katawan dahil tila nagpapadala na lamang ito.

Wala na, tuluyan na akong natalo sa kanya. Nasa ilalim na ako ngayon ng kapangyarihan ng tumatayo kong asawa.

Hindi ko alam kung ilang segundo na ba ang lumipas simula nang magtagpo ang labi namin Oliver, ngunit napapitlag ako nang maramdaman kong unti-unti na rin niya itong iginagalaw. Marahan niyang kinakagat ang aking labi at ramdam ko ang labis niyang kasiyahan na hindi maikukubli.

Pinakiramdaman ko nang ilang segundo ang pamamaraan ng kanyang paghalik, at ilang segundo pa nga lamang ang aking binilang ay ginaya ko na ang ritmo nito saka ko sa kanya ibinalik.

Ganito pala kasarap ang pakiramdam ng nahahalikan. Para akong nasa alapaap at idinuduyan. Parehong nakapikit ang aking mga mata ngunit tila nagliliwanag ang kapaligiran.

Nalalasahan ko ang alak na nagmumula sa labi ni Oliver, pero may kung ano rin dito na parang hinahanap-hanap din ng bibig ko. Dahil din doon ay mas pinagbuti ko pa ang aking ginagawa na naging dahilan para mas maging madiin ang pagpapalitan namin ng halik nito.

Naramdaman ko ang pagbitiw ni Oliver sa aking mga pulsuhan. Tulad ng una kong plano kanina, dapat ay itutulak ko siya. Pero tulad din ng nangyari kanina, natagpuan ko na lamang na inilalagay ko na ang aking mga braso paikot sa leeg niya.

Mas naging matamis ang pagpapalitan namin ng halik ni Oliver. Nararamdaman ko na rin ang mga marahan niyang paghaplos sa aking katawan ngunit wala na akong pagkailang na nararamdaman. Sa halip na makaramdam ng takot, mayroon sa aking loob na tila may nagliliyab na apoy.

Matagal pa kami sa ganoong posisyon ni Oliver. Umabot pa kami sa puntong hinahaplos na niya ang ilang bahagi ng aking katawan, ngunit umiral din sa akin ang pagiging palaban. Sa bawat paghaplos niya kasi sa akin ay marahan ko rin iyong sinusuklian sa pamamagitan ng paghaplos din sa kanyang katawan.

Kinakapos na ako sa aking hininga sa hindi ko malamang dahilan. Alam kong ganoon din si Oliver dahil nanatili ito sa aking ibabaw at nakadagan.

Dahan-dahan ay nagbitiw kami sa paghahalikan hanggang sa magtagpo ang aming mga mata. Hawak ko ang magkabila niyang pisngi habang yakap naman niya ang aking katawan. At tulad ng sinabi ko kanina, pareho nga kami ngayon na tila naghahabol ng hininga.

Maliit lamang ang aming distansiya kaya kitang-kita ko ang nagliliwanag niyang mga mata. Bakas sa kanya ang saya dahil sa napakagandang ngiti niya. Sa tingin ko ay nasa ilalim pa rin ako ng kanyang kapangyarihan, dahil nang makita ko ang ngiti niyang iyon ay napangiti rin ako habang marahang hinahaplos ang kanyang mukha.

Pinagsawa namin ang pagtitig sa isa’t isa. Hindi ko alam kung ilang minuto kaming ganoon hanggang sa magsalita siya.

“Pwede bang matulog tayo ngayon nang magkatabi..?” tanong niyang malambing sa akin.

Nang marinig ko iyon ay kusang gumuhit sa akin ang malapad na ngiti.

“Mmmm….” pagsang-ayon ko rin sa tonong malambing.

Mas lalong nagliwanag ang mga mata ni Oliver. Kasunod nito ay kumilos siya papalapit para muling hagkan ang aking labi.

Saglit lamang na nagdikit ang mga labi naming iyon hanggang sa umalis siya sa aking ibabaw para humiga sa aking tabi. Inayos niya ang kanyang sarili at iginaya ang aking ulo para makahiga sa kanyang dibdib.

Kaya ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, magkatabi kaming natulog habang yakap ang isa’t isa at may ngiti sa labi naming dalawa.

“Sweet dreams, Weldy…”

“Sweet dreams, Daddy…”


A/N

Oh, sorry na sa mga nag-expect sa SPG! Masyado pang maaga, mga besh! Pero sana ay napakilig kayo sa eksena ng dalawang ito! Emeged! Akala ko hindi ko ’to matatapos! Nakakaihi! Charot!

Para nga po pala kay

Demetria1005

ang chapter na ito! Salamat sa lahat, bebe! Alam mo na kung para saan. ❤❤❤ Pwede n’yo rin po i-check ang kanyang profile para makita ang kanyang mga gawa.

’Til next chapter na lang po! Salamat po sa mga patuloy na bumoboto at nagko-comment. Magiging busy na naman si Ateng pero ginagawa ko naman ang aking makakaya para mabigyan ng oras ang pag-a-update. Salamat po sa mga nakakaunawa. Mahal ko kayo!

–– cold_deee ❤

03.12.2018

Chapter 11


FRANCE POV

Nasisilaw ako sa liwanag na nagmumula kung saan. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata hanggang sa tuluyang maiproseso ng aking isip na nagising lang ako ng umaga.

Dahan-dahan akong umahon para makaupo sa kama. Saglit na natulala habang naghihintay na tuluyang magising ang aking diwa.

“Pwede bang matulog tayo ngayon nang magkatabi..?”

“Mmmm…”

“Sweet dreams, Weldy…”

“Sweet dreams, Daddy…”

Nagbalik sa aking kaisipan ang senaryo bago ako makahiga sa kamang ngayon ay aking inuupuan. Kung paano ko sinermonan si Oliver dahil sa inumaga ito ng uwi at kung paano ko siya nilinisan ng katawan. Lahat ay naging malinaw sa aking kaisipan hanggang sa mapag-isip-isip ko ang mga sumunod na kaganapan.

“Hala….” sambit kong mahina at naitakip ko ang aking mga palad sa aking mukha.

Ramdam kong nag-init ang aking mukha nang maalala ko kung paano kami nagpalitan ng halik ni Oliver kaninang madaling araw. Kung paano ako madaling bumigay at nagpadala sa agos ng mga pangyayari. At habang inaalala ko ang eksaktong kaganapang iyon ay ramdam kong parang hinahalukay ang aking sikmura at kinikiliti. Ramdam ko rin ang aking puso na tila nagwawala dahil sa pagtibok nang napakabilis.

“Tama na, huy…” pagsaway ko sa aking puso habang hawak ko na ngayon ang aking dibdib.

Hindi ako makapaniwala na nagawa kong gumanti sa kanyang halik. Simula nang manirahan ako sa bahay na ito, kinumbinsi ko na ang aking sarili na hindi dapat iyon mangyari.

Paro ano ’to? Ako mismo ang sumira sa sinabi ko. Lasing si Oliver at parang ako pa ang nagsamantala rito.

“Natuto ka nang lumandi, France..?” bulong kong tanong sa aking sarili. “Sabi mo, hindi pwedeng mangyari, ’di ba..? Eh, bakit bumigay ka..?” dugtong ko pang hinang-hina.

Ang dami kong katanungan sa aking sarili na hindi ko masagot. Pwede ko nang isiping nababaliw na ako dahil ang sarili kong tanong ay hinahanapan ko rin ng sagot.

Nasa kalaliman pa rin ako ng pag-iisip nang ilibot ko ang aking paningin sa paligid. Katahimikan ang sumasalubong sa akin dahil ako lang ang naririto sa silid.

Nang madako ang aking paningin sa kamang aking inuupuan ay gumuhit sa akin ang pagtataka. Ngayon ko lang napag-isip-isip na magkatabi kaming natulog ni Oliver kanina sa kama, pero bakit wala na siya?

May ilang minuto pa akong nag-isip hanggang sa may pumasok sa aking isang ideya. At nang tuluyan ko itong maiproseso ay nagbalik sa akin ang sigla. Kusang gumuhit ang aking ngiti at nagliwanag ang aking mga mata dahil sa pagkamangha.

“Yes! Panaginip lang ang nangyari! Hindi totoong naghalikan kami ni Oliver! Yes! Yes! Joke lang ’yon! Yes! Yes! Ang galing mo, France! Nanaginip ka ng joke!” tuwang-tuwa kong sambit habang nakaangat ang aking mga kamao katapat ng kisame nitong kwarto.

Tama. Panaginip lang ang lahat dahil wala siya ngayon sa tabi ko. Kung talagang nangyari ang bagay na iyon, dapat ay naririto rin siya noong magising ako. Pero walang Oliver kaya panaginip lang ang nakatatak ngayon sa isip ko.

Malinaw sa akin na hinintay ko siya hanggang sa mag-umaga. Lasing siya at wala sa kamalayan niya. Siguro ay nakatulog siya saglit sa kama, pero nagising din siya at lumipat sa sofa. Tama! Ganoon nga ang nangyari! Imposibleng naghalikan kami! Panaginip lang ang lahat ng iyon! Kumbinsido na ako! Panaginip lang ang nakita ko!

Sinimulan ko nang kumilos. Ganadong-ganado pa akong umalis mula sa kama at inayos ito. Alam kong tinanghali ako ng gising ngayon dahil mataas na ang sikat ng araw. Mabuti na lang at walang pasok ang mga bata sa eskwelahan kaya ayos lang na hindi ko sila naasikaso. Sinabi nila sa akin kahapon na may mahalagang kaganapan daw ang paparating sa kanilang eskwelahan kaya kailangan iyong paghandaan.

Matapos ang kaunting pag-aayos sa kama ay saglit din akong nagpunta sa banyo para maghilamos at magsepilyo. Hindi maputol ang aking ngiti dahil nakakaramdam ako ng pananabik na makita ang mga anak ko. Gusto ko na silang makalaro nang matagal at makakwentuhan ang mga ito.

Nang masigurong handa na ako ay ganado pa rin akong nagtungo sa pinto para makalabas ng kwarto. Pero bago ko pa mahawakan ang bukasan ng pinto ay nagulat ako sa biglang pagbukas din nito.

“Papa!! Good morning!!” sabay na pagbati ng dalawang bata habang suot ang malawak nilang ngiti.

Hindi ako nakasagot dahil ang kasunod na pagbati ay nagmula sa taong nasa likod ng mga ito.

“Good morning, Weldy.” bati ng taong iyon na matamis din ang pagkakangiti.

Nanlaki ang mga mata ko dahil sa aking nabungaran. Hindi rin ako nakapagsalita habang silang tatlo ay salitang pinagmamasdan. Napansin kong may hawak na isang tray si Kryz na may lamang mga pagkain at si Marl naman ay isang baso na may gatas.

“Papa? Are you okay?” biglang tanong ni Kryz makalipas ang ilang sandali.

Natauhan ako dahil sa biglang pagtatanong ni Kryz. Natagalan pala ako ginagawa sa kanilang panunuri.

“H-ha? A-ahm… O-oo naman. Medyo nagulat lang ako sa biglang pagpasok n’yo.” nauutal kong pagsagot dito.

Nang sabihin ko iyon ay nagbalik ang ngiti sa kanilang mga labi. Marahil ay napag-isip-isip na rin nilang ginulat talaga nila ako sa biglang pagsulpot dito.

“Sorry po, Papa. Gusto lang po namin kayong i-surprise, eh. Look! Nagluto kami ng breakfast para sa ’yo! Tinuruan kami ni Daddy magluto! Breakfast in bed ka na po!” may pagmamalaking pagbabalita sa akin ni Kryz habang iniaangat ang tray na kanyang hawak.

Hindi ako nakaimik dahil medyo naguluhan ako lalo na sa bandang dulo ng sinabi nito.

Kasalukuyan akong nasa malalim na pag-iisip kung ano ang ibig sabihin ng ’ breakfast in bed ’ nang magsalita naman si Oliver na nasa likod ng mga ito. Siguro ay napansin niya sa aking reaksyon ang naguguluhan kaya sumabat na rin ito.

“Ang ibig sabihin nila, Weldy, sa kama ka na mag-aalmusal. Doon mo kakainin ang niluto ng mababait nating mga anak.” nakangiti nitong paliwanag sa akin.

Napatango na lang ako nang marahan bagama’t naguguluhan. Kakain sa kama? Pwede pala ’yon sa mayayaman? Hindi kasi namin iyon ginagawa sa bahay-ampunan. Iniiwasan naming may mahulog na pagkain sa kama dahil baka atakihin kami ng mga langgam.

Nasa ganoon pa rin akong tagpo nang ang bunso namang si Marl ang magsalita habang nakangiti.

“Ako, Papa! Ako naman ang nagtimpla ng milk mo! Hindi pa raw kasi ako pwedeng magluto sabi ni Daddy dahil baby pa raw ako!” pagbabalita naman nito at napanguso sa huli.

Dahil sa aking narinig ay nakaramdam ako ng saya. Gumuhit nang mabilis ang malapad na ngiti sa aking mukha. Parang gusto kong maiyak dahil sa tuwa.

Sinong mag-aakala na gagawin ito sa akin ng kinikilala kong mga anak? Ngayon ko lang naranasan na ako ang mapagsilbihan. Nakasanayan ko na kasing ako ang nag-aasikaso sa ibang tao kahit pa noong nasa bahay-ampunan pa lamang ako.

Masyado akong nalulunod sa saya dahil sa tagpong ito kaya hindi ko maiwasang titigan ang mga bata habang may ngiti sa labi ko.

“Papa…” pagtawag ni Kryz sa akin makalipas ang ilang sandali. “Mabigat na po ang tray. Papasukin mo na kami nila Daddy, please?” sunod pa nitong pakiusap at ngumuso.

Doon lamang ako natauhan kaya mabilis akong yumuko para abutin ang tray na hawak nito.

“Sorry, sorry, anak! Akin na ’yan! Ako na lang ang maghahawak!” natataranta kong mungkahi at kinuha mula sa kanya ang tray.

“Nasaan na po ang good morning kiss ko, Papa?” tanong naman ni Kryz matapos iabot sa akin ang kanyang dala-dala.

Ganito sila tuwing umaga, hindi kinalilimutan na bigyan ako ng halik bilang pagbati.

“Good morning, Ate Kryz!” pagbati ko naman pabalik at itinapat sa kanya ang aking pisngi.

Agad naman niya akong hinalikan at hindi niya pa naiwasan ang matawa nang bahagya. Ang cute talaga!

“Hala! Ako rin!” si Marl na biglang nainggit sa nakita niya.

Hindi ko maiwasang matawa dahil doon. Ganito si Marl tuwing nilalambing ako ng kanyang Ate, dapat ay mabilis din ako sa kanyang nakakabawi.

Kumilos ako papalapit kay Marl para batiin din ito. Ginawa ko iyon habang nakayuko pa rin ako.

“Good morning, Marl. Ilagay mo muna ’yang baso dito sa tray bago ang kiss. Ayaw kong nahihirapan ang cute naming bunso.” paglalambing ko rito pabalik.

Nagbalik naman ang sigla ni Marl at mabilis na sinunod ang aking utos. Nang mahalikan na niya ako ay hindi namin naiwasan ang matawa dahil halos idiin na niya ang kanyang labi sa aking pisngi.

Umahon ako mula sa pagkakayuko, kasunod nito ay binigyan ko sila ng daan para makapasok sa kwarto. Dahil sa pagkakatayo ko nang tuwid ay nahagip ng mata ko si Oliver. Narito siya at natatawa dahil yata sa pagkaaliw sa amin ng mga anak niya.

Kung inaakala niyang natutuwa ako sa nakikita ko sa kanya, pwes nagkakamali siya.

“Anong tinatawa-tawa mo riyan? Pinabayaan mo ang mga bata na magbitbit ng mga pagkain. Hindi ka na naawa sa kanila. Bakit hindi na lang ikaw ang nagdala ng mga ’to?” nakataas ang isang kilay kong tanong sa kanya.

Sa halip na tumigil siya ay mas lalo pa siyang natawa.

“Ang aga mo naman manermon, Weldy?!” pagpuna niyang natatawa. “Saka sinong nagsabi na wala akong bitbit?! Pwede ba namang wala? Siyempre meron!” sunod pa nitong pagbabalita.

Natahimik ako dahil sa sinabi niyang iyon. Pinagmasdan ko siyang mabuti para hanapin ang bagay na kanyang sinasabi. Nasa likod ang kanyang isang kamay at tila ba mayroon siyang ikinukubli.

Tatanungin ko pa lamang sana si Olover kung ano ang kanyang itinatago ngunit naunahan na niya ako. Agad niya iyong inilabas at hindi ko maiwasang magulat nang makita ko kung ano ang mga ito.

“Here. For you,” wika niya at inilagay ang tatlong pulang rosas sa tray na hawak ko.

Natigilan ako at hindi nakapagsalita. Wala akong nagawa kundi ang pagmasdan ang tatlong magagandang rosas.

Akala ko ay hanggang doon na lamang, ngunit muling nagsalita si Oliver dahilan para ibalik ko ang tingin sa kanya.

“Good morning, Weldy.” malambing niyang pagbati at hinalikan ako sa labi.

“Ayyyiieee~~ Nagkiss na sila Papa at Daddy~~” sabay na kantiyaw ng dalawang bata.

Nanigas ako sa aking kinatatayuan dahil sa naganap. Pakiramdam ko ay nagbalik ang nakakatakot kong panaginip kanina lang.

Bakit? Bakit niya ako hinalikan tulad ng nasa aking panaginip?!

“Papa? Okay ka lang po ba?” pagbasag ni Kryz mula sa aking pagkakatulala.

Dahan-dahan ay hinarap ko ang mga bata habang nanlalaki ang aking mga mata. Natagpuan ko silang nakatingin sa akin suot ang pagtataka sa kanilang mga mukha.

Gusto kong sipain si Oliver. Gusto ko siyang gantihan ng pananakit dahil sa kanyang ginawa. Pero dahil naririto ang mga bata ay maaari nilang masaksihan ang pagmamalupit ko sa kanilang ama.

Sinikap kong magbitiw ng ngiti sa aking mga anak. Ayaw kong mapansin nilang hindi ako komportable sa nangyayari dahil ayaw ko rin silang mag-alala.

“Mga anak, sige, pumunta na kayo sa kama. Susunod na lang ang Papa.” utos ko sa kanila na may pekeng ngiti.

Hindi pa man nakakasagot ang dalawa ay sumingit na ang magaling nilang ama.

“Tara na, kids. May surprise pa tayo kay Papa, ’di ba?” nakangiting pagyaya ni Oliver sa mga bata.

“Maiwan ka, Daddy. May pag-uusapan tayong dalawa.” mabilis kong pagpigil kay Oliver suot pa rin ang aking pekeng ngiti.

Mabilis na rumehistro sa kanya ang pagtataka, ngunit ilang segundo lamang ay tumango siya bilang pagsang-ayon sa kautusan ko sa kanya.

Masunurin talaga sina Kryz at Marl dahil mabilis silang kumilos para pumunta sa kama tulad ng aking utos. Nang makaakyat din sila sa kama ay nagsimula na rin silang maglaro. Gamit ang mga unan na kanina ko lang inayos ay pinalo nila nang marahan sa isa’t isa ito. Mahina lang naman  iyon at bakas ang saya sa mga mukha nito.

Hindi ko alam kung may ilang segundo ba naming pinapanood ni Oliver ang mga bata sa kanilang paglalaro. Masayang-masaya pa si Oliver dahil nagbibitiw ng mahihinang pagtawa ito.

“Uhm!” sambit ko nang sipain ko nang bahagya ang binti nito. Sinigurado ko rin na bago ko iyon gawin ay abala ang mga bata sa kanilang paglalaro.

“Aray!” mabilis naman na reklamo ni Oliver habang hawak ang parte ng katawan niyang nakatanggap ng sipa ko. Nawala na rin ang kanyang pagngiti at napalitan na ng pagtataka ito.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Habang salubong ang aking kilay ay kinompronta ko na siya.

“Bakit mo ginawa ’yon?!” tanong kong pasigaw ngunit kinokontrol ko pa rin ang aking boses dahil baka marinig ng mga bata.

Magpasalamat talaga siya at may hawak akong tray na may mga pagkain. Dahil kung wala lamang ito, hindi lang iyon ang mapapala niya mula sa akin. Ayaw ko naman kasing masayang ang inihanda sa akin ng mga anak ko.

“Ang alin?! Anong ginawa ko?!” mas nagtataka nang tanong sa akin ni Oliver.

“Anong ang alin?! Nagtatanong ka pa talaga?! Bakit mo ako hinalikan?! Bakit, Oliver?! Bakit?!” sunod-sunod kong tanong sa kanya.

Natigilan si Oliver at mas gumuhit nang lalo sa kanya ang pagtataka. Ilang segundo rin iyon hanggang sa bigla siyang matawa.

“Anong tinatawa-tawa mo?! May nakakatawa ba sa tanong ko?!” paninita ko sa kanya. “Akala ko ba ayaw mo akong binibigla?! ’Di ba, ang sabi mo, baka hindi ako maging komportable dahil nga may amnesia ako?! Eh, bakit mo ako hinalikan bigla?! Tapos sa harap pa ng mga bata! Nakakainis ka!” panunumbat ko pa sa kanya.

Hindi ko na talaga alam kung ano ba ang nakakatawa sa sinasabi ko, pero matapos ang aking panunumbat ay mas lalo pang natawa si Oliver habang hawak na rin ang tiyan nito.

“Weldy, Weldy!” pagtawag niya sa akin habang natatawa. “Oo! Natatandaan kong sinabi ko ’yon! Sinabi ko rin sa sarili kong hahayaan kitang magkusa para hindi naman ako magmumukhang nanggagahasa!” dugtong niya pang pagkumpirma.

“Eh, bakit nga ginawa mo pa?!” pakikipagtalo ko pa rin sa kanya.

Hindi muna sumagot si Oliver. Pinakalma niya muna ang kanyang sarili mula sa pagtawa. Ilang segundo rin ang aking binilang hanggang sa tumayo siya nang tuwid at hinarap ako habang suot ang pagngisi niya.

“Nangyari na, Weldy,” panimula niyang nakangisi. “Nakalimutan mo na ba? Gumanti ka sa halik ko kaninang madaling araw, ’di ba? At hindi lang ’yon dahil inilagay mo pa ang mga kamay mo sa balikat ko habang nakapikit ka at nakikipaglaban sa halik ko.” mayabang niya pang dugtong.

Nang marinig ko iyon mula sa kanya ay mabilis na nanlaki ang aking mga mata dahil sa labis na pagkabigla. Hindi rin ako nakapagsalita dahil maging ang aking bibig ay naiwang nakabuka.

Mukhang naaliw si Oliver sa naging reaksyon ko dahil mas lumapad pa ang nakakalokong ngisi nito. Kasunod nito ay unti-unti siyang kumilos para makalapit sa aking pwesto. Bahagya siyang yumuko hanggang sa ang pagitan ng aming mukha ay lumiit na tila isang dangkal na lamang ito.

“Tandaan mo ito, Weldy,” mahina niyang pagsasalita habang magkatapat ang aming mukha. “Hindi dahilan ang kalasingan para makalimot sa nangyari. Kung minsan, ito pa ang nagiging daan para magkaroon ng hindi makakalimutang karanasan at pangyayari.” makahulugan pa nitong pagpapatuloy.

Mas lalo nang nanlaki ang mga mata ko. Lalo pa akong nanigas sa aking kinatatayuan nang simulan na naman ni Oliver ilibot ang kanyang mga mata sa bawat parte ng mukha ko. Hindi lang iyon, nang madako ang kanyang mga paningin sa aking bibig ay napakagat pa ito ng kanyang ibabang labi.

“Walang nagbago sa ’yo, Weldy. Masarap ka pa rin humalik. Iyon lang yata ang bagay na hindi mo nakalimutan sa kabila ng pagkawala ng memorya mo? Nakakabaliw pa rin ang halik mo.” mahaba pa nitong komento sa nakakaakit na tono.

Hanggang ngayon ay hindi ko magawang gumalaw. Lalo na akong hindi nakapagsalita dahil gulong-gulo na ngayon ang aking isip.

Ibig sabihin, totoo ang lahat ng nangyari?! Totoong naghalikan kami?! Walang panaginip?! Lahat ay totoo at walang halong biro?! Hala?! Mas malalang bangungot ito!!

Matapos sabihin ni Oliver ang mga bagay na iyon ay dahan-dahan din siyang bumalik sa tuwid na pagkakatayo.

“Let’s go? Naghihintay na ang mga bata sa atin.” nakangiti na niyang pagyaya sa akin.

Nag-init ang aking mga pisngi. Alam kong napansin din iyon ni Oliver kaya lalo siyang napangiti.

“Ang cute talaga ng asawa ko.” muli pa nitong komento.

Wala pa rin akong masabi hanggang sa mga oras na ito. Pakiramdam ko ay binabangungot ako. Lalo kong napapatunayan ang iniisip ko ngayon. May kakayahan ang mga doktor tulad ni Oliver na mapasunod ang kanilang mga pasyente ano man ang sabihin o gawin ng mga ito. Marahil, ang mga tulad niya ay pinag-aaralan ang mahika noong sila ay nasa kolehiyo.

Dahil sa wala pa rin akong imik at kagalaw-galaw hanggang ngayon ay nagsalita si Oliver muli.

“Weldy, kikilos ka ba diyan para kumain ng breakfast o gusto mong ang labi ko ang magiging almusal mo?” tanong niya habang suot ang nakakalokong ngisi na naman nito.

Doon lang ako natauhan sa sinabi niyang iyon. Utang na loob, tama na. Masyado na siyang abusado.

Kumilos ako kahit mabigat ang mga hakbang ko. Kailangan ko na ring puntahan ang mga bata dahil nakatingin na silang dalawa at mukhang tapos na rin sila sa kanilang paglalaro.

Sinabayan ako ni Oliver sa paglalakad. Nakuha niya pang hawakan ang aking bewang na para akong inaakbayan. Kung pwede lang sana siyang sawayin na tanggalin ang kanyang kamay ay ginawa ko na, pero dahil sa nakatingin ang mga bata ay ngumiti na lang din ako nang peke para hindi sila magduda.

“Manyakis ka pala, Daddy? Mapagsamantala ka.” bulong ko kay Oliver suot pa rin ang pekeng ngiti habang nakatingin sa mga bata.

Muli na namang natawa si Oliver. Aliw na aliw talaga siya sa kanyang nakikita.

“Sa ’yo lang, Weldy. Sa ’yo lang, tandaan mo ’yan.” sagot niya sa aking sinabi at marahang kinurot ang aking pisngi.

Wala na talaga akong masasabi sa lalaking ito. Hindi ko yata siya masisindak sa mga pananakot o kahit sa mga pananakit ko.

Nakarating kami ng kama at iginaya niya pa akong makaupo. Hindi ko na maikakaila sa aking sarili, nawawala na rin ang aking pagkailang kahit pa kami ay magkadikit dahil sa mga nangyari.

Saglit din na kinuha ni Oliver ang hawak kong tray at ipinatong sa mga hita nito. Hindi na ako nagreklamo pa dahil mabilis din na kumilos ang dalawang bata para makaupo nang mas malapit sa aking pwesto.

“Papa, ako ang magsusubo ng food sa ’yo, ha? Please po?” bungad sa akin ng bunsong si Marl. Magkadikit pa ang mga palad nito na animo’y nananalangin habang nakanguso.

“Ako naman ang magpapainom ng milk sa ’yo, Papa! Sige na po, please?” si Kryz din na hindi nagpatalo sa kanyang kapatid.

Dahil sa aking nakita ay hindi ko naiwasan ang matawa. Bakit ba ang cute nila? Sila talaga ang nagiging daan para maging kompleto ang araw ko.

“Sige nga! Kayo naman ang magsubo sa akin ng almusal! Gusto kong makita kung may natututunan kayo sa pag-aasikaso ko inyo!” pagsang-ayon ko sa kanilang mungkahi.

Mabilis na gumuhit ang saya sa kanilang mga mukha.

“Yehey!!” sabay nilang sambit habang nakataas pa ang kanilang mga kamay.

Muli kaming natawa ni Oliver dahil sa pagkaaliw sa mga bata. Nakakatuwang isipin na sa mura nilang edad ay alam na nila kung paano ibalik ang kabutihang nagagawa sa kanila. Bukod pa roon, nakakawala ng pag-aalala at lungkot ang mga paglalambing nila.

Sinimulan na akong asikasuhin nina Kryz at Marl. Nasa tapat ko sila at hindi maitatago ang saya sa kanila habang pinapakain ako at pinapainom ng gatas. Si Oliver naman na nasa aking tabi ang umaalalay sa kanila sa mga dapat gawin.

“Mmmm!! Ikaw talaga ang nagluto nito, Ate Kryz?! Ang sarap-sarap naman!” pagpuri ko sa niluto nitong tocino na isinubo sa akin ng bunso.

Napahagikgik naman si Kryz at bahagyang namula ang pisngi.

“Opo! Ang galing po kasi ni Daddy magturo!” sagot naman nitong medyo nahihiya. Ang cute talaga!

At siyempre, kung napuri ko si Kryz, alam ko na ang susunod na mangyayari.

“Papa…” pagtawag sa akin ni Marl na tila nalulungkot ito. “Inumin mo rin po ang milk na tinimpla ko… Masarap din po ’yan, promise…” pakiusap pa nitong nakanguso habang tinuturo ang gatas na hawak naman ng kanyang Ate Kryz.

Tuwang-tuwa talaga ako kay Marl tuwing ganito ito. Ngayon ko masasabing magkamukha talaga kami lalo na tuwing nakanguso.

“Sige nga! Painom ako?!” pagsang-ayon ko naman sa mungkahi nito.

Agad namang nabuhayan si Marl at kinalabit na ang kanyang Ate para gawin ang pagpapainom sa akin ng gatas.

“Mmmm!! Ang galing din ni Marl! Manang-mana sa akin! Ang sarap din magtimpla ng gatas!” namamangha ko ring papuri sa kanya.

Halos mapuno ng tawanan ang aking pag-aagahan kasama sila. Kahit ordinaryong pagkain lang ang nakahanda, naging napakasarap naman nito dahil sa nakikita kong saya mula sa kanila.

Sa buong buhay ko, ngayon ko lang naranasan ang ganito. Ganito pala kasarap sa pakiramdam na nabibigyan ka ng importansya at halaga. Ganito pala kasarap ang magkaroon ng pamilya.

Nagpatuloy pa kami sa aming kasiyahan. Bagama’t ako lang ang kumakain sa mga oras na ito dahil sa ginagawa nilang pag-aasikaso, masasabi kong ito na ang pinakamasarap at pinakamasayang almusal na naranasan ko.

“Daddy! It’s time to show your gift to Papa na!” biglang pagsasalita ni Kryz matapos kong maubos ang almusal na inihanda nila.

Wala akong naintindihan kaya nanatili lang akong salitan silang tinitingnan.

“Yey!! I’m so excited na po, Papa!” masaya ring pakikipag-usap sa akin ni Marl.

Bumida na ako sa pagkakataong ito. Naintindihan ko naman ang salitang ’ excited ’ kaya kailangan ay makipagsabayan na rin ako.

“Yehey!! I’m exciting beri much!” masayang pagsang-ayon ko kay Marl habang pumapalakpak pa ako.

Natawa naman sila dahil sa inasal ko. Kasunod nito ay kumilos si Marl para umupo sa kandungan ko at pinisil ang mga pisngi ko

“Ang cute talaga ng Papa ko! Pa-kiss nga po?!” paglalambing nito at hinalikan ang ilong ko.

Lalo nang nagtawanan sina Oliver at Kryz dahil sa pagkaaliw na rin kay Marl. Mabuti na lang din at malawak ang pang-unawa ng panganay sa kanyang kapatid kaya hindi ito nakakaramdam ng selos tuwing naglalambing ito sa akin.

Saglit na inilapag ni Oliver ang tray na kanyang hawak at inilagay iyon sa ibabaw ng maliit na cabinet katabi ng kama na aming inuupuan. Pinagmasdan lang namin ng mga bata ang kanilang ama hanggang sa may kinuha itong kahon sa loob pa rin ng cabinet na iyon.

“Here. For you, Weldy,” wika ni Oliver habang ibinibigay sa akin ang isang kahon. “Uhmm… Regalo ko ’yan sa ’yo para makapagsimula ka na ring matuto ng mga gadgets. Also, naisip ko rin na bigyan ka niyan para hindi na maulit ang nangyari kagabi. Ngayon, pwede na kitang tawagan kung male-late ako ng uwi o kaya naman kakamustahin ko kayo rito sa bahay. Ikaw na mismo ang tatawagan ko at hindi na sina Ate Loca at Ate Aning.” mahaba pang paliwanag sa akin ni Oliver na tila nahihiya.

Aba, dapat lang talaga siyang mahiya! Inumaga na ako sa paghihintay sa kanya! Wala man lang siyang konsiderasyon!

Nakakunot ang aking noo nang tuluyan ko nang mahawakan ang kahon na iniabot sa akin ni Oliver.

“Ipon?” nagtataka kong reaksyon matapos kong basahin ang nakasulat sa kahon.

Narinig ko ang muling pagtawa ng aking mga anak.

“Papa, that’s i-phone po. Ay-fown po ang basa diyan. May cellphone ka na pong magagamit para magkausap kayo ni Daddy ’pag wala siya rito sa bahay.” paliwanag naman sa akin ni Kryz habang nakangiti.

“Aahhh…” naging tugon ko lang habang tumatango. Kasunod nito ay muli kong ibinalik ang aking tingin sa kahon ng sinasabi nilang telepono. “Ito ba ’yong pwede kang mag-picture?” sunod kong tanong na nagtataka nang makita ko ang imaheng nasa kahon.

“Mmm! Yes, Papa! ’Yan nga po ’yon!” masayang sagot naman ni Kryz.

Nang marinig ko iyon ay mabilis akong napangiti. Ramdam ko rin na nagliliwanag ang aking mga mata sa oras na ito dahil sa pagkamangha.

Sa wakas, makakahawak na ako ng telepono na pwedeng kumuha ng litrato. Noon kasi ay nakikita ko lamang ito sa ibang tao. Sina Ate Aning at Ate Loca ay mayroon din cellphone na halos katulad nito. Minsan ay gusto kong usisain sa kanila ang bagay na ito ngunit nahihiya naman ako. Ang tanging cellphone lang kasi na nagkaroon ako ay maliit na maraming pindutan para lang makapagtext ako. Nag-iisa na nga lang iyon pero nawala ko pa dahil sa paglubog ng barko.

“Buksan mo na, Weldy.” biglang mungkahi ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

Nilingon ko siya nang mabilis at nakita kong pareho kaming nakangiti.

“Mmmm!” tangi ko lang naisagot habang tumatango.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras, agad kong binuksan ang kahon nang maingat. Habang ginagawa ko iyon, nakikita kong maging ang mga bata ay hindi na rin halos makapaghintay. Nasasabik na rin silang makita ang aking magiging reaksyon sa oras na mahawakan ko na ang mismong cellphone.

Nang tuluyan ko itong mabuksan ay mas lumawak ang pagkakangiti ko. Hindi ko na maitatago ang labis na pagkamangha ko.

“Iiiihhh! Ang ganda! Parang maliit na TV!” reaskyon kong tuwang-tuwa habang pinagmamasdan ang kabuuan ng telepono.

Narinig kong natawa si Oliver, tila naaliw dahil sa nakikita mula sa akin.

“Yehey!!” sigaw naman ng mga bata habang pumapalakpak.

Napakasaya ko. Ngayon ay hindi na ako maiignorante sa bagay na ito. Mukhang tinutupad nga ni Oliver ang kanyang mga ipinangako. Sinisimulan na niya akong turuan sa mga bagay na bago lang sa paningin ko.

“Daddy! Buksan mo nga, bilis! Gusto kong makita ang ilaw-ilaw!” hindi ko napigilang utos kay Oliver dahil sa aking pagkasabik.

Natatawa naman siyang kinuha iyon mula sa akin hanggang sa may pindutin siyang isang buton.

“Ayan, Weldy. Pwede mo nang tingnan ang mga nandiyan. Tuturuan ka namin kung paano gumamit niyan. At kung wala naman kami ng mga anak mo, pwede kang magpaturo kina Ate Aning at Ate Loca. Sasabihin ko na lang sa kanila kung ano ang mga site na hindi mo pwedeng puntahan. Maloko pa naman ang dalawang ’yon.” mahabang litanya ni Oliver habang iniaabot ang telepono sa akin. Hindi niya napigilan ang matawa sa huling bahagi ng kanyang sinabi.

Tatanungin ko pa sana kung ano ang ’ site ’ na tinutukoy niya, pero hindi ko na iyon naituloy dahil mas lalo na akong namangha nang makita ko ang harap ng cellphone na ngayon ay nakabukas na.

“Hala?! May mga kulay-kulay talaga! Para talaga siyang TV!” namamangha ko pa ring reaksyon.

“Ganito ’yan, Weldy. Swipe mo lang ang daliri mo para makita mo ang applications na nandito sa cellphone. May music na akong nilagay diyan at may mga nilagay na rin akong movie diyan. Pwede ka nang manood tuwing naghihintay ka sa pag-uwi ng mga bata.” paliwanag sa akin ni Oliver habang ipinapakita kung paano gamitin ito.

“Movie?! Baka Dora na naman ang laman nito, Oliver, ha?!” paniniguro ko sa kanya.

“Hindi!” mabilis niyang sagot habang natatawa. “Tagalog movies ang nai-download ko dahil sinabi sa akin ni Ate Aning na naghahanap ka ng ibang palabas. Sabihin mo lang sa akin ’pag natapos mo na ang lahat ng nandiyan para makapagdownload ulit ako.” mahaba pa niyang pagbibigay impormasyon.

Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon. Wala naman kasi akong maintindihan sa iba niyang pinaliwanag lalo na ang salitang ’ download ’. Sa ibang araw ko na lang aaralin ang mga iyon.

Nagpatuloy ako sa pagpapadulas ng aking daliri sa cellphone. Hindi ko na talaga maitatago pa ang aking pagkamangha lalo na at ibang-iba ito sa dati kong telepono. Hinayaan ko na lang ang tatlo sa aking tabi na hanggang ngayon ay pinagtatawanan ako. Bahala sila diyan. Basta ako, masaya sa mga oras na ito.

“Papa, ito po ang pipindutin mo kung gusto mo magpicture. Camera po ’yan.” turo sa akin ni Marl habang ipinapakita sa akin kung ano ang dapat na tipain. “Pindutin mo na po, bilis!” sunod pa nitong utos.

Hindi na ako nag-atubili pa, mabilis kong sinunod ang sinabi niya.

“Hala?! Si Ate Kryz!” reaksyon ko nang makita ko ang imahe nito sa telepono. Nagkataon kasing sa kanya nakatapat ito.

Ngumiti naman siya at nagpacute pa habang nakatapat sa kanya ang camera.

Kasunod nito ay itinuro naman sa akin ni Marl kung ano ang dapat pindutin para makuhanan si Kryz ng larawan.

“Ang galing! Ang ganda talaga ng panganay ko!” reaksyon ko nang makita ko ang larawan niya sa telepono.

“Ito naman po ang pipindutin mo, Papa, bilis!” utos na naman sa akin ni Marl habang may itinuturo pa rin sa telepono.

“Hala??!!” may kalakasan kong sambit dahil sa pagkabigla.

Halos mabitawan ko ang telepono dahil matapos kong pindutin ang itinuro ni Marl ay nagulat akong makita ang mukha ko rito. Dahil din sa nangyari ay lalo nang natawa ang tatlo.

“Switch lang po ’yan, Papa, para kung gusto mong magselfie, mas madali!” paliwanag na namang natatawa ni Marl.

Kung sa ordinaryong senaryo lamang ito, baka napikon na ako sa kanilang tatlo. Kanina pa kasi nila pinagtatawanan ang pagiging ignorante ko. Pero dahil masaya ako, hinayaan ko na lang ang mga ito. Ngayon lang naman sila matatawa dahil bukas o mamaya, marunong na akong gumamit nito at hindi na ako mapapahiya.

“Ang cute mo talaga, Papa!!” nanggigigil pa ring reaksyon ni Marl at pinisil ang aking mga pisngi.

Nasa ganoon kaming tagpo nang sumingit si Kryz.

“Papa, picture tayo nila Daddy, dali!” mungkahi nito at mabilis din na kumandong sa akin. Kaya heto ngayon, dalawa na sila ni Marl ang kalong ko.

Umalingawngaw ang tawa ni Oliver bago ito sumingit sa amin.

“Paano pa makakagalaw ang Papa n’yo niyan kung dalawa na kayong nakakalong sa kanya?” natatawa nitong saway sa dalawang bata. “Akin na ang phone, Weldy.” sunod pa nitong utos sa akin.

Agad akong nabahala sa kautusan niyang iyon. Nawala na rin ang sigla sa aking mukha dahil sa pag-aalala.

“Binigay mo na ’to, ’di ba?! Bakit mo pa babawiin?!” mabilis kong pakikipagtalo sa kanya at itinago ko ang cellphone sa tiyan ni Marl dahil yakap ko sila.

Mas lalong natawa si Oliver sa hindi ko malamang dahilan.

“At sino naman ang nagsabi na babawiin ko?!” tanong niyang natatawa. “Kukunin ko lang para ako ang kumuha ng picture!” paglilinaw pa nito.

Natigilan ako. Nakaramdam ako ng hiya dahil sa panghuhusga ko. Ang akala ko kasi ay babawiin niya ito kaya handa na rin sana akong makipagtalo rito.

“Hehe… Sorry, Daddy…” sambit ko lang na may alanging ngiti habang ibinibigay sa kanya ang cellphone.

Tumango naman siya habang natatawa pa rin.

“Kryz, sa akin ka na kumalong. Baka hindi makita ang Papa mo sa picture?” utos nito sa panganay.

Masunurin naman ang bata at agad na sinunod ang kanyang ama. Kasunod nito ay umayos sila ng pagkakaupo kaya nagpadala na lang din ako sa kanila. Pumosisyon kami na halos magkakadikit na ang aming mga mukha. Maliit lang ang naookupa sa camera, pero napakaganda nitong tingnan dahil lahat kami ay nakangiti tanda ng saya.

“Okay, smile! Ready in, 3, 2, 1!” pagbibigay hudyat ni Oliver para simulan na ang pagkuha.

Akala ko ay isang beses lang kaming kukuha ng larawan, pero nasundan pa iyon nang ilang beses dahil tuwang-tuwa ang mga bata. May mga larawan kaming nakangiti, nakanguso, may wacky pa silang sinabi at look up pa. Ang cute ng kinalabasan ng mga larawan at hindi namin naiwasan ang magtawanan habang iniisa-isa itong tingnan.

Matapos ang ilang pagkuha ng litrato ay hindi ko na naialis ang pagtingin sa mga larawang nakuha ng telepono. Gusto kong maiyak sa saya habang pinagmamasdan ang mga larawan. Kitang-kita sa amin ang saya ng isang buong pamilya. Ganitong-ganito ang pangarap ko simula pa pagkabata. Napakasimple lang at hindi ko inaasahang magkakaroon ng katuparan.

Ngayon ay naiisip ko na. Wala pala akong dapat na pagsisihan dahil napadpad ako sa pamilyang ito. Bagama’t iba ito sa ordinaryong pamilya na alam ng iba, sa kanila ko naman naramdaman ang tunay na pagmamahal at saya.

“Kami naman, Papa! Patingin kami ni Marl!” biglang pagsasalita ni Kryz habang nakalahad ang kanyang kamay tanda na gusto niyang mahawakan ang aking cellphone. Umalis na rin siya sa kandungan ni Oliver at nagbalik sa pagkakaupo sa aming tapat.

Natawa naman ako dahil sa pagkaaliw lalo na nang sundan siya ni Marl. Halatang nasasabik din silang makita ang mga larawan.

Ibinigay ko iyon sa kanila at mas lalo kaming natawa ni Oliver dahil halos hablutin na nila iyon mula sa akin.

“Ang cute ko talaga, ’di ba, Ate?!” papuri ni Marl sa kanyang sarili habang pinagmamasdan nila ang aming mga larawan.

“Siyempre naman! Mana ka sa akin, eh!” pagsang-ayon naman ni Kryz sa kanya.

Ang cute talaga nila kaya aliw na aliw rin kami ni Oliver manood sa kanila. Bihira silang magtalo dahil malawak ang pang-unawa ng panganay na si Kryz sa kanyang kapatid.

May ilang minuto pa siguro kaming nanonood ni Oliver sa katuwaan ng magkapatid hanggang sa may maalala ako. Dahan-dahan ay lumingon ako kay Oliver na nasa aking tabi. Natagpuan ko siyang hanggang ngayon ay nakatingin sa kanyang mga anak habang nakangiti.

“Uhhmmm… Daddy?” nag-aalangan kong pagtawag sa kanya.

Agad naman siyang napatingin sa akin habang suot pa rin ang kanyang magandang ngiti.

“Hhmmm?” malambing niyang tanong pabalik.

Medyo kabado ako dahil naghahalo ang nararamdaman kong saya at hiya sa mga oras na ito.

“S-salamat, ha..?” nahihiya kong sambit habang nagkakamot ng batok ko.

Mukhang masaya talaga ngayon si Oliver dahil natawa na naman ito sa aking sinabi.

“Bakit parang nahihiya ka diyan, Weldy? Nagpapasalamat ka lang pero parang may nagawa kang kasalanan?” natatawa niyang pagpuna.

Bagama’t kinakabahan pa rin ay sinubukan kong magsalita. Gusto kong ipahatid sa kanya ang taos-puso kong pasasalamat dahil sa pagtupad ng aking kahilingan, ang ituro sa akin ang mga bagay na hindi ko nakasanayan.

“Siyempre, tinutulungan mo akong magsimula. Nandiyan ka para gabayan ako kahit pa marami ka rin kailangang asikasuhin. Saka isa pa, kahit hindi mo sabihin, alam kong ibinigay mo sa akin ang bagay na ’yan para matuto ako sa mga bagay-bagay. Kaya salamat. Maraming salamat.” mahaba kong pagpapaintindi.

Nasaksihan ko kung paano lumawak ang pagkakangiti ni Oliver. Mukhang nakuha niya ang aking pinupunto at nakaabot sa kanya ang taos-pusong pasasalamat ko.

Hindi muna nagsalita si Oliver. Kumilos siya para mas makalapit sa akin at nasorpresa ako nang ipatong niya ang isa niyang kamay sa kamay ko rin na nakalapat sa kamang inuupuan namin sa mga oras na ito.

“Weldy, ano bang sinabi ko sa ’yo? Tutulungan kita dahil asawa kita, ’di ba? Responsibilidad ko ang alagaan at protektahan ka, kayo ng mga bata. Kung ano ang mga bagay na magpapasaya sa inyo, gagawin ko kahit mahirapan pa ako. Naiintindihan mo?” pagpapaintindi niya rin sa akin pabalik.

Sa mga oras na ito, nagsisimula na akong magtanong sa aking sarili. Sino ba ang higit na maswerte? Si Weldy ba na tunay niyang asawa? O ako na pumalit sa kanya?

Kung iisipin kasi, maswerte si Weldy dahil nakatagpo siya ng asawang tulad ni Oliver. Mabait at mapagmahal sa pamilya. At ako, maswerte naman dahil si Oliver ang tumupad sa simple kong pangarap, ang magkaroon ng kompleto at masayang pamilya.

Alam kong may kakaharapin pa akong problema sa hinaharap. Kailangan kong maging handa sa mangyayari dahil sa ginagawa kong pagpapanggap. Hindi sa akin itinuro sa bahay-ampunan ang maging makasarili, pero dahil sa mgagandang bagay na ngayon ko lang nararanasan, humihingi na ako ng tawad ngayon pa lang.

‘Patawad, Weldy. Humihingi ako ng tawad sa pagiging makasarili. Kung sakaling bumalik ka man at kailangan mo na silang bawiin, hindi ako kokontra o tatanggi. Handa ako sa magiging kondisyon mo dahil alam kong malaki ang kasalanan ko. Pero gusto ko rin malaman mo, yayakapin ko ang pamilyang ipinahiram mo ano man ang maging kapalit nito.’

Matapos ang paghingi ko ng tawad kay Weldy sa aking isip ay kumilos ako para makalapit kay Oliver. Kasunod nito ay hindi na ako nagdalawang-isip na gawin ang bagay na alam kong ikakagulat ng hiram na asawa ko.

“Salamat sa lahat, Daddy…” wika kong nakangiti matapos ko siyang bigyan ng masuyong halik sa labi.

Hindi sa akin nakaligtas ang kanyang pagkagulat. Inaasahan ko na iyon dahil sa akin nagmula ang unang hakbang. Pero sa halip na magpakita ako ng hiya o ano mang reaksyon para magduda siya ay iginawad ko ang maganda kong ngiti sa kanya.

“Ayyiieee~ Ang sweet ni Papa kay Daddy!” biglang pagkantiyaw ng dalawang bata na pinapanood pala kami.

Hindi ako nakapagsalita nang lingunin ko sila. Nakita kong nakatapat sa amin ang cellphone ko na hawak ni Kryz.

“Nakuhanan namin kayo ng video habang nagki-kiss kayo ni Daddy, Papa! Hihi!” si Marl naman na animo’y kinikiliti.

Matapos iyon sabihin ni Marl ay umalingawngaw ang malakas na tawa ni Oliver sa aking tabi. Akmang magtatanong pa sana ako kung ano ang ’ video ’ na kanilang sinasabi ay naunahan na ako ni Kryz. Mabilis niyang iniharap sa akin ang cellphone at doon ko nakita ang senaryo kung paano ako kay Oliver humalik.

Nanlaki ang aking mga mata at naibuka ko pa ang aking bibig dahil sa labis na pagkabigla.

“Hala??!!” naging reaksyon ko lang at mabilis kong tinakpan ng dalawa kong palad ang aking mukha dahil sa labis na hiya.

Lalo nang napuno ng malakas ng tawanan ang apat na sulok ng kwarto dahil sa naganap. May ilang beses ko pang narinig ang panunukso sa akin ng dalawang bata ngunit hindi ako nag-abalang kumilos o tumutol dahil pinanatili ko ang pagkakatakip ng aking mga palad sa mukha ko.

Ilang sandali pa ay naramdaman kong yumakap sa akin ang mga bata habang natatawa pa rin sila. Naging dahilan tuloy ang bagay na iyon para tanggalin ko ang aking palad sa aking mukha dahil niyakap ko rin sila.

“’Wag ka nang mahiya, Papa! Masaya nga kami kasi bumalik na po kayo sa dati ni Daddy!” pagkumbinsi sa akin ni Kryz.

“Oo nga po, Papa! Smile ka na para magkamukha na tayo ulit!” si Marl naman na paulit-ulit na hinahalikan ang aking pisngi.

Hindi ko alam ang isasagot ko kaya wala akong nagawa kundi ang mapanguso.

“Kids, tama na ’yan! Lalong nahihiya ang Papa n’yo! Tingnan n’yo, nakanguso na naman, oh?! Gusto pa yatang makahingi ng kiss kay Daddy?!” natatawang pag-awat ni Oliver na sinabayan din ng pang-aasar sa akin.

“Tumigil ka nga! Ikaw yata ang gustong umisa pa, eh?!” mabilis ko namang depensa dahil pa rin sa hiya.

Akala ko ay maaapektuhan siya, pero mukhang mas natuwa pa siya sa pagsusungit ko sa kanya.

“Joke lang!” pagbawi naman niyang natatawa.

May ilang segundo pa nila akong sinusuyo hanggang sa kumalas na naman sa akin ang dalawang bata.

“Selfie pa ulit tayo, Papa!” mungkahi ni Kryz at iniabot na naman ang telepono sa kanyang Daddy.

Agad naman iyong kinuha ni Oliver at walang pagdadalawang-isip na sinunod ang kagustuhan ng kanyang panganay. Nagbalik kami sa masayang pagkuha ng larawan na umabot pa sa puntong kami na lang ni Oliver ang kanilang kinukuhanan.

May katagalan pa kaming nagkakasiyahan hanggang sa maligaw ang aking mga mata sa siwang ng pinto nitong kwarto. Abala pa rin sina Oliver at ang mga bata kaya hindi nila napansin ang taong ngayon ay pinapanood kami habang nanlilisik ang kanyang mga mata.

“Kuya Michael…” mahina kong sambit sa kanyang pangalan.

Mukhang kahit ang aking pagsasalita ay hindi na napansin ng aking pamilya dahil patuloy sila sa katuwaan ng pagtingin sa mga larawan.

Ngayon ko lang din naalala na naririto nga pala siya sa bahay dahil siya ang naghatid kay Oliver kaninang madaling araw. Kitang-kita ko kung paano naikuyom ni Kuya Michael ang kanyang mga kamao habang nakatingin sa akin nang diretso. Hindi niya maikakaila sa kanyang reaksyon ang galit na nakapaloob dito.

Hindi ko alam kung bakit, wala akong ideya kung ano ba ang nais niyang ipahiwatig. Pero ang malinaw sa akin, hindi niya gusto na nakikitang masaya kami ng pamilya ko.

Saglit pa akong nakatingin sa kanya nang blangko lang ang ekspresyon hanggang sa may mabuo akong desisyon. Naisip kong sa halip na ipakita kong apektado ako sa kanyang ginagawa, nilabanan ko ang masamang pagtitig niya. Hindi pa ako nakontento roon, dahil kasunod nito ay ngumisi pa ako nang malapad para asarin siya.

Kung ano man ang iniisip niya sa mga oras na ito, gusto kong iparating sa aking pagngisi na handa ako sa magiging hamon nito. Malalaman ko rin ang nagtatago ng pagiging ganito niya sa akin. Hindi ko alam kung kailan iyon mangyayari, pero sa ngayon, lalabanan ko siya nang tahimik.

Mukhang naging epektibo naman ang ginawa ko sa kanyang pagngisi. Matapos ko kasing gawin iyon ay nasaksihan ko kung paano nagdikit ang kanyang mga ngipin. Mas lalo din naging mahigpit ang pagkuyom niya sa kanyang mga kamao tanda ng labis na galit nito.

Inaasahan ko na ang kasunod kaya hindi ako nagpatalo. At hindi nga ako nagkamali, dahil matapos ko siyang labanan ng titigan ay kusa na rin siyang umalis.

Alam kong hindi niya ako magagawang awayin lalo na sa harap ng aking pamilya. Napansin ko iyon simula pa noong una kaming magkita. Iba ang pakikitungo niya sa akin tuwing kasama ko si Oliver at ang mga bata. Para siyang isang leon na magpapalit-anyo sa pagiging maamong pusa.

’Wag niya akong hahamunin. Dahil kahit mangmang ako, may pangil din akong itinatago. Kung iniisip niyang masisindak ako sa kanyang inaakto, nagkakamali siya. Hinding-hindi ako papayag na madampian niya ang kahit na ano sa balat ko.

“Weldy, look! Ang cute ng mga anak natin dito!” biglang pagtawag sa atensyon ko ni Oliver habang ipinapakita ang nakuhanan naming larawan.

Nang marinig ko iyon ay doon lamang ako nakagalaw. Agad ko ring binawi ang ekpresyon kong galit at inis dahil kay Kuya Michael. Mabilis din na nawala ang tensyon na namayani sa aking dibdib nang makita ko ang larawan ng dalawa naming anak. Totoo kasi ang sinabi ni Oliver na ang cute nina Marl at Kryz.

“Hala?? Para silang afwang na dalawa??” pang-aasar ko sa dalawang bata at natawa. Sa sobrang likot kasi nila kanina ay ang gulo na ng mga buhok nila.

“Eehhh??!!” reaksyon naman nila at sabay na napanguso pa.

Tawa naman kami nang tawa ni Oliver sa nakita namin sa kanila. Nasundan pa iyon ng pang-aasar naming mag-asawa at hindi namin sila tinigilan hangga’t hindi namin nakikitang malapit na silang lumuha. Siyempre, hindi na namin pinaabot pa sa puntong iiyak na sila dahil agad din namin silang sinuyo at nilambing na nauwi sa mas malakas na tawanan naming magpamilya.

Ito ang perpektong pamilya. Bagama’t may kaunting pagkakaiba, ganitong-ganito ang ipinagdasal kong magkaroon simula pa pagkabata. At kahit na ang ipinagkaloob sa akin ay isang lalaking asawa, hindi naman ito maihahalintulad sa isang ordinaryong pamilya.

Higit pa ito sa nais ko, mas nakakaangat ito dahil bukod sa masaya ito at buo, pinagbubuklod ng nag-uumapaw na pagmamahal ito.


A/N

This chapter is for Mark Albiso. Thanks for the support, dear. ❤

Sana ay hindi kayo magsawang bumoto lalo na ang magkomento. Iyon na lang ang nagbibigay sa akin ng lakas para ganahan akong ipagpatuloy ang pagsusulat nito. Paulit-ulit kong binabasa ang mga comments n’yo. Maraming salamat po.

Hanggang sa muli.

–– cold_deee ❤

03.23.2018

Chapter 12


FRANCE POV

“Ate Aning?! Ate Loca?! Aalis na ako!” pagpapaalam kong sumisigaw sa kanila.

Kasalukuyan ko silang hinahanap para magpaalam na magsusundo sa aking mga anak.

“Kuya Weldy! Nandito kami sa likod!” sigaw naman ni Ate Aning.

Mabuti naman at narinig na nila ako. Kanina pa ako sumisigaw pero ngayon lang nila narinig ang pagtawag ko.

Agad kong tinungo ang likod nitong bahay kung nasaan din ang aming swimming pool. Naabutan ko silang dalawa na tila malalim ang iniisip at napansin kong abala rin sila sa pagsusulat.

“Anong ginagawa n’yo?” bungad kong pagtatanong nang makalapit ako sa kanila.

“Sinisimulan na namin ang paghahanda sa birthday party ni Kryz, Kuya. Sinabihan kasi kami ni Kuya Michael na asikasuhin na agad ’yon habang maaga, eh.” sagot ni Ate Aning nang hindi nakatingin sa akin.

Agad na nangunot ang noo ko dahil sa pagtataka.

“Birthday?! Si Kryz?! Kailan?!” sunod-sunod kong tanong.

Dahil sa aking inasal ay mabilis nila akong nilingon nang sabay.

“Oo, Kuya! Hindi pa ba sa ’yo nabanggit ni Kuya Oliver? Sa susunod na buwan na ’yon! Dito rin ’yon gaganapin sa bahay kaya busy ang peg namin ngayon!” sagot naman sa akin ni Ate Loca.

“Aahhh…” sambit kong tumatango. “Hindi pa, eh. Wala pa siyang sinasabi sa akin, pero nabanggit niya kanina noong tumawag siya sa akin na may mahalaga siyang sasabihin pag-uwi niya. Baka tungkol na nga ’yon sa birthday ni Kryz?” sagot ko pa sa tanong niyang iyon. Naalala ko rin kasi ang sinabi sa akin kanina ni Oliver noong huli kaming magkausap sa aking cellphone.

May ilang segundo pa ang lumipas hanggang sa magsalitang muli si Ate Aning. Itinigil niya rin saglit ang kanyang ginagawa at tumingin nang diretso sa akin.

“Pero, Kuya Weldy! Secret lang muna ’yon, ha?! Gusto kasing i-surprise ni Kuya Michael ang pamangkin niya, eh! Taon-taon namang siya ang naghahanda para sa birthday ng mga anak n’yo ni Kuya Oliver kaya ewan ko kung masu-surprise pa ba ang mga bata! Sinasakyan na lang namin ang trip niya, eh! Pasalamat lang talaga at gwapo ’yang kuya mo kaya gora lang kami nitong bruha!” pagkekwento nito at itinuro si Ate Loca sa kanyang tabi.

“Totoo ’yon, Kuya Weldy! Siya ang nakatoka sa bawat birthday party nina Kryz at Marl! Ewan ko ba naman kasi diyan sa kuya mo! Nasa edad naman na siya pero ayaw pang mag-asawa! Kung inaanakan na lang ba niya ako, e ’di sana, hindi siya naiinggit sa mga anak n’yo ni Kuya Oliver, ’di ba?!” pagsang-ayon naman ni Ate Loca kay Ate Aning.

Hindi ko magawang makipagsabayan sa pilyang pakikipag-usap sa akin ngayon nina Ate Aning at Ate Loca. Naging abala na kasi ako sa pag-iisip kung ano ang maaari kong iregalo sa nalalapit na kaarawan ng aking panganay. Gusto kong mapasaya sa araw na iyon si Kryz kaya patuloy akong nag-iisip.

“Alam ko na!!” bigla kong pagsigaw habang nanlalaki ang aking mga mata.

“Ay, p*ke!”

“Nakadikit pa rin, Aning! ’Wag kang mapraning!”

“Gaga, alam ko! Nagulat lang ako sa sigaw ni Kuya Weldy!”

“Ah, okay! Akala ko naman nilayasan ka na ng pechay mo! Kung sabagay, kung ako man ang nasa kalagayan niyan, itatakwil din kita! Walang dilig, eh! Iburo mo na lang kaya, ’teh?!”

Magkakasunod na reaksyon nilang dalawa matapos ang may kalakasan kong pagsasalita.

Hindi ko pinansin ang kalokohan nilang iyon dahil sa mas importanteng bagay na ngayon ay tumatakbo sa aking isip.

“Ate Aning, Ate Loca, may mga pinaglumaan ba kayong mga damit o kaya mga telang hindi na ginagamit? Pati po mga bulak na nasa loob ng unan, meron po ba kayo diyan?!” sunod-sunod kong tanong sa kanila.

Saglit silang nag-isip bago sumagot sa akin si Ate Loca.

“Meron naman, Kuya. Nandoon sa bodega. Bakit? May plano ka bang magdonate? Naku, ’wag mo nang ituloy dahil active naman kayo ng Kuya Michael mo sa pamimigay niyan sa mga charity institution! Keri na ’yon!” sagot nito na hindi ko na pinagtuunan ng pansin ang huli. Mahalaga sa akin ang una niyang sinabi na mayroon nga kami ng mga bagay na aking hinahanap.

“Pwede n’yo po bang ihanda ang mga iyon? May paggagamitan lang po ako! Pahingi na rin po ng karayom at mga sinulid! Pakitago na lang po at ’wag n’yong ipapakita sa mga bata o kahit kay Oliver! Pwede po ba?!” magkakasunod nang paghingi ko ng pabor sa kanila.

Rumehistro ang pagtataka sa kanilang dalawa, marahil ay naguguluhan sa aking sinabi. Ngunit makalipas lang din ang ilang sandali ay sabay rin silang tumango tanda ng pagsang-ayon sa aking mungkahi.

“Sige po! Salamat! Aalis na rin ako para sunduin ang mga bata!” mabilis kong pagpapaalam habang tinutumbok na ang labas ng bahay.

Hindi ko mapigilan ang aking sariling mapangiti habang iniisip ang magiging reaksyon ni Kryz sa oras na matanggap niya ang aking ireregalo. Malakas ang paniniwala kong magugustuhan niya iyon lalo na at ang bagay ring iyon ang hilig nito.

Nang makalabas ako sa gate ng aming bahay ay saglit akong huminto. Kinuha ko ang aking cellphone mula sa aking bulsa at nakangiti pa rin akong ikinabit ang earphones nito.

Pinaliwanag na sa akin ni Oliver kagabi ang ilang applications daw nitong cellphone at kung paano gagamitin ito. Magkatabi pa rin kaming natulog at mukhang kailangan ko na talagang sanayin ang aking sarili sa bagay na iyon. Medyo nagkaroon lang ng kaunting pagbabago ang pagtulog namin kagabi dahil mas nauna siyang nakatulog. Nakaramdam yata kasi siya ng pagod sa pagtuturo sa akin lalo na sa pagpapaliwanag ng bawat applications daw nitong cellphone.

“Ayan! Game!” sambit ko matapos ilagay ang earphones sa aking tenga. Nagsimula na rin akong maglakad at sabayan magandang musika.

Ilang metro pa ang aking dapat lakarin para makarating sa eskwelahang pinapasukan ng aking mga anak. Mainit sa mga oras na ito, ngunit dahil sa sinasabayan ito ng preskong hangin at magandang musikang aking napapakinggan ay naging maaliwalas pa rin ang aking pakiramdam.

May ilang metro na lamang sana ay mararating ko na ang paaralan, ngunit bago ko pa iyon tuluyang marating ay halos mapatalon ako sa gulat dahil sa malalakas na pagbusina na aking narinig mula sa aking likuran. Eksakto rin na nakatatapos lang ng isang kanta na aking pinapakinggan.

Natagpuan ko ang isang magarang sasakyan na halos isang dipa na lang din ang layo mula sa aking kinatatayuan. Agad akong kumilos para tumabi sa kalsada dahil sa pagkataranta. Hindi rin kasi tumigil sa pagbusina ang nagmamaneho at halatang galit na siya.

Ang akala ko ay lalampasan lang ako ng sasakyang iyon matapos ko siyang bigyan ng daan, pero natigilan ako nang huminto ang kotse sa aking kinatatayuan.

Inihanda ko na ang sarili ko. Tinanggal ko ang aking earphones at handa na akong yumuko para humingi ng paumanhin dito. Alam kong mapagsasabihan ako ng drayber dahil naabala ko siya. Nawala kasi sa isip kong nasa gitna ako ng kalsada.

Eksaktong sa tapat ko kung saan din mismo nakaupo ang drayber ito huminto. Dahan-dahan ang pagkakabukas ng kanyang bintana hanggang sa masilayan ko ang lalaking nagmamaneho nito. Maputi, makinis at maliit ang mukha ng lalaki. May suot man itong salamin na kulay itim ay hindi maikakailang siya ay pogi.

“Punyeta!!!” malakas nitong sigaw sa akin.

Dahil sa pagkagulat ay hindi ko nagawang makapagsalita.

“Kaya naman pala kahit anong gawin kong pagbusina kanina, hindi mo ako marinig dahil may pasak ka sa tenga! May parada rin ba?! Bakit sa gitna ka ng kalsada naglalakad?! Nakakaabala ka!! Nakakapunyeta ka!!” sunod-sunod pa nitong pagsigaw.

Hala? Grabe naman ’to si Kuya? Kalalaking tao pero grabe kung makapagbunganga! Dinaig pa ako ’pag sinesermonan si Oliver! Kaya nga sinabihan ako ni Oliver na parang babae kung makaputak, e! Pero ang isang ito, para siyang manok! Ang sakit sa tenga ng boses!

Mabuti na lang at kami lang ang naririto sa kalsada kaya ayos lang na sigaw-sigawan niya ako. Isa pa, aminado naman akong may kasalanan talaga ako. Sa sobrang pagkaaliw ko kasi sa pakikinig ng tugtog sa aking cellphone ay hindi ko namalayan na nasa gitna na pala ako ng daan.

“Sorry po! Pasensiya na po, Kuya! Sorry po! Sorry po!” mabilis ko na lang na paghingi ng dispensa sa kanya na sinabayan ko pa ng paulit-ulit na pagyuko.

Hindi naman nakapagsalita ang lalaki kaya bahagya na akong nakahinga nang maluwag. Siguro ay tinanggap na niya ang paghingi ko sa kanya ng tawad.

“Ulitin mo nga ang sinabi mo?” bigla niyang utos sa mahinahon nang tono.

“Ang alin po, Kuya? Ang pagso-sorry ko ba ang tinutukoy n’yo?” paniniguro ko sa kanya. “Sorry po ulit, Kuya, ha? Bati na tayo!” pahabol ko pang nakangiti sa sinabi ko.

Hindi nagbago ang seryoso niyang ekspresyon. Pero makalipas ang ilang segundo ay nagulat ako sa muling pagsigaw nito dahilan para bahagyang mapaatras ako.

“Punyeta! Tinawag mo akong ‘Kuya’?! Bakit?! Kapatid ba kitang hampaslupa ka?!” galit na galit na naman nitong pagtatanong.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa pagkabigla. Ang akala ko kasi ay maayos na siya, iyon pala ay nagalit siya sa pagtawag ko sa kanyang ‘kuya’. Normal lang naman iyon lalo na kung hindi mo kilala ang kausap mo, pero bakit parang malaking bagay iyon sa taong ito?

“P-pasensiya na po talaga! Sorry po!” natataranta ko na namang paghingi ng dispensa sa kanya habang paulit-ulit na namang yumuyuko.

Kailangan kong habaan ang pasensiya ko. Ako ang may pagkakamali kaya dapat ay magpakumbaba ako. Isa pa, kung sakaling lumaki ang gulong ito, baka makaabot pa ito kay Oliver? Tama na ang minsan siyang napahiya dahil sa katangahan ko. Hindi ko na hahayaang madagdagan pa ito.

May ilang beses pa akong humingi sa kanya ng dispensa hanggang sa iangat niya ang kanyang isang kamay senyales na pinatitigil na niya ako.

“Enough!” may diin niyang utos sa akin habang nakamwestra pa ang kanyang palad. “Lalo lang akong napupunyeta sa pagmumukha mo at lalo lang din nasasayang ang oras ko sa ’yo.” dugtong pa nito.

Napakasungit talaga ng lalaking ito. Kung wala lang talaga akong atraso, baka pinatulan ko na ito. Sumusobra na sa pagsusungit, e. Ang yabang-yabang porke’t may sasakyan! Bakit?! May sasakyan din naman ang asawa ko, ah?! Kung marunong lang akong magmaneho, baka binangga ko rin ang kotse nito!

Sa halip na patulan pa ang lalaking ito ay pinili ko na lamang na manahimik. Sa ilang minuto kasi naming pag-uusap ay naobserbahan kong hindi rin siya titigil sa pagsusungit hangga’t nagsasalita ako.

Ilang sandali pa ay hinilot niya ang kanyang sentido. Tila pinaparating niya sa akin na pinasasakit ko ang ulo niya kahit napakaliit lang naman na bagay ang naging atraso ko. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na, ’Buti nga sa ‘yo! Sigaw ka kasi nang sigaw kaya sinakitan ka ng ulo!’ . Pero dahil sa ayaw ko nang humaba pa ang aming pag-uusap ay itinikom ko na lang ang bibig ko.

“Hey.” bigla niyang pagtawag sa mababang boses nito.

“U-uhhm… Yow?” tanong ko pabalik na hindi sigurado. Naalala ko kasi ang pinanood ko sa video na nasa aking cellphone. Ganoon ang naging batian ng sosyal na magkaibigan.

Mukhang tama naman ang sinabi ko. Kasunod kasi ng sagot kong iyon ay bahagya siyang umabante at ibinaba nang bahagya ang kanyang salamin na nasa mata niya. Nakita kong singkit ang mga mata niyang iyon at hindi ko maikakailang magaganda. Pero may panlaban din naman ako kahit paano dahil maganda rin ang mga mata ko. Ito ang madalas na napupuri sa akin maliban pa sa maputing balat ko.

“You look very familiar. Have we met before?” tila ba may pagtatanong sa tono nito.

Patay tayo niyan. Ito na nga ba ang kinakatakot ko. Gusto kong sagutin siya para naman hindi ako magmukhang tanga. Pero anong isasagot ko?! Hindi ko naintindihan ang sinabi niya!

Ramdam kong bigla akong pinagpawisan sa mga oras na ito. Napalunok pa ako dahil sa nerbiyos na nararamdaman ko.

Sinubukan kong mag-isip ng paraan hanggang sa may isang salita akong natatandaan. Pero bago ko iyon sabihin ay sinikap ko munang tumawa nang malakas para lang bahagyang makaiwas.

“Really?!” tanong kong may kalakasan habang tumatawa.

Kung pagmamasdan ako ngayon ay parang puno ako ng kompiyansa, pero ang totoo, panay na ang dasal ko na sana ay tumugma ang naging reaksyon ko. Napanood ko rin kasi iyon sa palabas dito sa aking cellphone. Basta nagkekwento ang bida ng ingles at iyon ang naging reaksyon ng kaibigan niya.

‘Sana naka-tsamba ka, France! Sana naka-tsamba ka!’

Paulit-ulit kong pakikipag-usap sa aking sarili habang tumatawa.

“Yeah. But I can’t remember where and when.” sagot ng lalaki at bumuntong-hininga pa.

Gusto kong magbunyi! Gusto kong tumalon sa saya! Tagumpay ako! Tagumpay ang naging reaksyon ko dahil sumagot siya! Iyon nga lang, ingles na naman kaya hindi ko naintindihan! Pambihira!

Sa halip na sagutin pa ulit siya pabalik ay ipinagpatuloy ko na lamang ang aking pekeng pagtawa. Pahina na rin ito nang pahina dahil parang nauubusan na ako ng enerhiya.

“Well, hindi na rin naman importante ’yon. Baka nakita lang kita sa newspaper or sa television? Pwedeng wanted ka dahil sa isang krimen, or kaya naman, wanted dahil sa katangahan.” mahaba pa nitong pagsasalita at napangisi sa huli.

Dahil sa kanyang sinabi ay napatigil na ako sa ginagawa kong pagtawa.

Bastos ’to, ah?! Anong akala niya sa akin?! Isang kriminal?! Wala pa akong nasasaktang tao, ’no?! Baka siya pa lang ’pag nagkataon! Nakakainis siya!

Naikuyom ko ang aking mga kamao at hindi ko na napigilan ang magsalubong ang mga kilay ko. Nakita niya iyon ngunit tila ba mas natuwa pa ito.

“Bingo! Talo ka na agad, bata. Napikon ba kita?” tanong niya at biglang tumawa nang malakas. “Pero ’wag kang mag-alala. Kung totoong wanted ka at may nakapatong sa ’yong malaking reward, hindi kita isusuplong. Masyado na akong maraming pera para mag-effort.” dugtong pa nito sa tonong may pangungutya.

Sasagot pa sana ako sa kanya pero matapos iyon ay pinabusina niya nang mahaba ang sasakyan niya.

“Ciao, loser! Ayaw ko nang makita ’yang pagmumukha mo, ha?!” wika niya pa matapos ang ginawa niyang pagbusina. Kasunod nito ay naging mabilis din siya sa ginawang pagmamaneho para makaalis sa tapat ko.

“Bwiset! Ang salbahe naman no’n?!” bulong ko habang pinagmamasdan ang papalayong kotse nito.

Hindi ako makapaniwala. May gano’n palang tao?! Akala ko ay sa mga palabas lang mayroon no’n?! Mga kontrabida para pahirapan ang mga bida! Sa totoong buhay rin pala?! Pambihira!

May ilang segundo pa akong nakatayo sa tabi ng kalsada. Masyado akong naapektuhan sa naging engkwentro namin ng lalaki kanina. Pero dahil sa likas na mahaba ang aking pasensiya, idinaan ko na lamang ang lahat sa pamamagitan ng malalim na buntong-hininga. Isa pa, kailangan ko na ring kumilos dahil baka naghihintay na sa mga oras na ito ang mga anak ko. Ayaw kong pagpawisan sila lalo na si Marl dahil mainit sa mga oras na ito.

Nakarating ako sa eskwelahan ng aking mga anak at halos takbuhin ko ang lugar kung saan dapat na naghihintay ang mga magulang. Kilala na rin ako ng mga gwardiya rito dahil tuwing wala pa ang aking mga anak ay sila ang nakakakwentuhan ko. Medyo umiiwas din kasi ako sa mga yaya ng ibang estudyante rito. Para kasi silang sina Ate Aning at Ate Loca kung magbiro. Kung minsan naman ay sinasabayan nila iyon ng paulit-ulit na pagpisil sa pisngi ko.

Mabuti na lang at mukhang nakaabot ako. Nagsisimula pa lang maglabasan ang mga estudyante kaya nawala na rin ang pag-aalala ko.

“Papa!!”

Kusang gumuhit ang malawak kong ngiti nang masilayan ko si Kryz na tumatakbo patungo sa aking pwesto. Napansin kong mayroon siyang kasabay na isa ring batang babae na kasing ganda rin ng panganay ko.

“Kryz!” pagtawag ko sa kanyang pangalan habang kumakaway.

Nang tuluyang makalapit sa akin si Kryz ay niyakap ko agad ito. Siya naman ay ginantihan din ang aking yakap at paulit-ulit na hinalikan ang pisngi ko. May ilang segundo rin iyon hanggang sa bumitaw siya sa akin at hinarap ang kasama niyang batang babae na pinapanood kami.

“Papa, ipapakilala ko po ang new friend ko, si Ate Carla po. Sikat po siya sa school kasi she’s super smart po! Saka mabait po siya kasi pinahiram niya ako ng doll niya! Look, oh?!” masayang pagpapakilala at pagbibida ni Kryz sa kanyang kasama habang ipinapakita rin sa aking ang hawak nitong manika.

“Hello! Ang ganda mo naman!” papuri kong nakangiti sa batang babae at marahan ko pang kinurot ang kanyang pisngi. Eto na, nagsisimula na naman akong matuwa dahil may panibagong bata akong nakilala.

“I know, right?! Just like what my Papa Tom said!” sagot naman nito sa akin at hinawi pa ang mahaba niyang buhok.

Tulad ng inaasahan, tumango na lamang ako at hindi sumagot dahil wala na naman akong naintindihan. Inglisera pala ang bagong kaibigan ng anak ko. Kung sabagay, lahat yata ng estudyante ng paaralang ito ay magagaling mag-ingles. Mabuti na lang pala at hindi sumang-ayon sa akin si Oliver noong sinabi kong pwede akong bumalik sa pag-aaral at makipagsabayan sa aming mga anak.

“And, Ate Carla, meet my Papa. He’s super cute po, ’di ba? He’s the best Papa in town!” pagpapakilala naman sa akin ni Kryz sa kaibigan niya.

Dahil sa bahagya akong nakayuko ay madaling naabot ni Carla ang dalawang pisngi ko para kurutin ito.

“I agree with you, Kryz! Your Papa is so cute just like my Papa Tom!” may panggigigil na sagot naman ni Carla habang pinipisil ang aking magkabilang pisngi. “We both have the best Papa in town, Kryz! Yey!!” pahabol pa nito at binitiwan na ang pisngi ko.

Ang akala ko ay hindi na ako bibitiwan ng batang babae. Grabe siyang manggigil. Mas malala siya sa mga yaya na nakakasabayan ko sa paghihintay rito.

“Papa, maglalaro muna po kami ni Ate Carla habang naghihintay tayo kay Marl, ha? Dito lang po kami sa tabi mo. Hinihintay rin po kasi ni Ate Carla ang Tito niya, eh.” pagpapaalam sa akin ni Kryz habang tinuturo ang mga silyang malapit lang din naman sa akin.

“Sige lang, anak. Basta ’wag lang lalayo, ha?” sagot ko naman dito habang hinahaplos ang kanyang pisngi.

Matapos iyon ay mabilis din silang kumilos at nagtungo sa mga bakanteng upuan. Mabuti na ring maglaro na lang silang dalawa dahil baka kausapin pa ako ni Carla. Mukhang hindi siya sanay magsalita ng tagalog dahil kahit ang paraan ng kanyang pagsasalita ay parang isang banyaga.

Habang naghihintay pa rin sa pagdating ni Marl ay inabala ko na lamang ang aking sarili sa panonood kina Kryz at Carla. Hindi ko maiwasang matawa sa kanila dahil pareho silang may hawak na manika at tuwang-tuwa silang nilalaro ang mga iyon na akala mo ay may mga buhay talaga. Ang cute-cute nilang dalawa.

“Papa!!”

Isang pagtawag ng isang batang lalaki ang naging dahilan para alisin ko ang aking paningin kina Kryz at Carla.

“Marl!!” masaya ko ring pagbati sa aking bunso.

Nakita kong tatakbo na sana ito patungo sa akin ngunit napigilan ito ng isang batang lalaki na hawak ang kamay niya.

“No letting go, Marl! I am waving my fans!” paninita ng batang lalaki sa aking anak. “Hi, fans!!” bati naman nitong kumakaway sa mga batang nakakasalubong nila.

Ngayon ay naaalala ko na. Ang batang si Carla at ang batang kasama ngayon ni Marl ay minsan ko nang nakita. Sila ang mga batang sikat sa eskwelahang ito.

Nakakatuwang makita na may kaibigan nang nakakasalamuha ang aking mga anak. Ngayon ko lang kasi sila nakitang may nakakasama kaya hindi ko naiwasang mamangha.

Nang tuluyan silang makalapit sa aking pwesto ay kusa na akong yumuko para mahalikan ako ng aking bunso.

“Papa, friend ko po, si Kuya Ar-Ar po. Best friend po siya ni Ate Carla.” pakilala ni Marl sa kanyang kasama at itinuro si Carla na hanggang ngayon ay kalaro pa rin ang panganay kong si Kryz.

Akmang magsasalita na sana ako para batiin ang batang si Ar-Ar ay naunahan naman ako nitong magsalita.

“How many times I’m tolding you, Marl? No calling me ‘Kuya’! Ar-Ar only, okay?! Understanding?!” paninita nito sa aking anak at bahagyang hinila ang kamay ni Marl na hindi niya pa rin binibitiwan.

Nakaramdam ako ng kaginhawaan sa pagkakataong ito. Inglisero rin ang batang si Ar-Ar tulad ni Carla at ng aking mga anak, pero ang nakakamangha ay mas naiintindihan ko siya. Nakakatuwa rin siya dahil bukod sa gwapo ay napakabibo pa.

“S-sorry, Ar-Ar.” nauutal at may alanganing ngiti namang sagot ni Marl sa kanya.

“Beri good! You understanding me!” nakangiti na ngayong reaksyon ni Ar-Ar.

Hindi ko naiwasang matawa dahil ang cute nilang dalawa.

“Ar-Ar, meet my Papa Weldy. Magkamukha kami, ’di ba?” pagpapakilala naman ni Marl sa akin kay Ar-Ar.

Ang akala ko ay agad din akong babatiin ni Ar-Ar, pero nakaramdam ako ng pagkailang nang simulan ako nitong tingnan magmula ulo hanggang paa. Tila ba sinusuri ako sa hindi ko malamang dahilan.

“Ampogi mo, Pareng Weldy! Mana nga sa ’yo si Marl! Beri nice to meeting you!” pakikipag-usap nito sa akin at inilahad pa ang isang kamay nito habang ang isa niyang kamay ay hawak pa rin ang kamay ng anak ko.

Hindi ko naiwasang matawa dahil sa nasaksihan ko. Kung makipag-usap kasi ang Ar-Ar na ito sa akin ay parang magkaedad lang kami.

“Beri nice to meeting you, Ar-Ar!” magiliw ko ring pagbati sa kanya pabalik at iniabot ang kanyang kamay.

“Wow! English-ing din!” namamangha nitong reaksyon sa ginawa kong pagbati.

Sa wakas! Sa unang pagkakataon ay may natuwa sa akin dahil sa pagsasalita ko ng Ingles! Sina Oliver kasi at ang aking mga anak ay natatawa tuwing susubukan kong magsalita nito. Pero ang batang ito! Mukhang napapabilib ko siya! Mukhang magkakasundo rin kaming dalawa!

May ilang segundo pa naming kinakamayan ni Ar-Ar ang isa’t isa habang nagliliwanag ang aming mga mata. Naputol na lamang iyon nang magsalita si Marl habang malawak ang pagkakangiti niya.

“Papa, pwede po bang hintayin na lang natin ang Daddy ni Ar-Ar bago po tayo umuwi? Wala po kasi silang makakasama ni Ate Carla dito, eh. Parating na rin naman daw po ’yon.” pagpapaalam nito sa akin na tila nahihiya.

Ang lambing talaga ng mga anak ko. Maipagmamalaki ko talaga sila dahil sa pagiging maalalahanin ng mga ito.

“Oo naman, anak. Saka kahit hindi ka magpaalam, gagawin ko rin naman ’yon kung wala pa sa kanilang magbabantay.” nakangiti kong pagsang-ayon sa aking bunso.

“Yey!! Thank you, Papa! Pa-kiss nga po?!” masayang reaksyon ni Marl at ngumuso pa ito.

Yumuko na naman ako para pagbigyan ang kagustuhan nito. Kaya naman tulad ng inaasahan, naging madiin na naman ang kanyang paghalik dahil sa panggigigil sa akin.

“Hey, girls! You’re dolling, huh?! Me and Marl is joining!” bungad ni Ar-Ar nang yayain niya si Marl patungo sa pwesto nina Carla at ng anak kong si Kryz.

“Anong dolling ang pinagsasabi mo, Ar-Ar?!” tanong na nakasimangot ni Carla. “Saka ’wag ka na ngang mag-english diyan! Tina-tagalog na nga kita palagi para hindi ka nahihirapan, eh! English ka pa nang english!” naiirita pa nitong dugtong.

May pagkamasungit pala ang batang si Carla? Pero kahit ganoon, cute pa rin siya. Hindi niya naintindihan si Ar-Ar, pero ako, kuhang-kuha ko ang sinabi nito.

“Luh? Dolling lang hindi mo pa alam, bes?! Dolling! Nagmamanika! Mag-aral ka nga! Puro ka lang kasi laro diyan, eh!” depensa naman ni Ar-Ar sa kanyang sarili.

Sinasabi ko na nga ba, magkakaintindihan talaga kami nito ni Ar-Ar. Siyempre, kung manika ang nilalaro, dolling dapat ang tawag doon!

Saglit pang nagtalo sina Ar-Ar at Carla habang pinapanood lang naman ng aking mga anak. Ako naman ay inayos saglit ang mga bag nina Kryz at Marl para hindi ito pakalat-kalat. Matapos iyon ay binantayan ko na lamang sila habang nagkakatuwaan silang apat.

“Kids! I’m here! Let’s go?!”

Isang pagtawag ng isang lalaki ang pumutol sa pagbabantay ko sa mga bata. Nang lingunin ko ito ay natagpuan ko ang isang matangkad na lalaki na patungo sa aming gawi. Mayroon siyang kasamang cute na lalaking baby at nahihimbing sa mga oras na ito. Nakasakay ang sanggol na iyon sa isang stroller habang itinutulak niya rin ito.

Gwapo ang lalaking bagong dating. Para siyang artista dahil maganda rin ng pangangatawan niya. Habang papalapit nga siya nang papalapit sa aming pwesto ay hindi ko maiwasang mag-isip nang malalim dahil parang namumukhaan ko ito.

“Daddy!!” salubong ng batang si Ar-Ar sa lalaking bagong dating. “Woah! Baby Drey!!” pagtawag naman nito sa baby na hanggang ngayon ay natutulog pa rin.

“Hi, Tito Rigo!” bati rin ni Carla sa lalaki. “Hello, my little brother, baby Drey!” pagtawag naman nito sa baby.

Kung ganoon, Rigo pala ang pangalan ng tatay ni Ar-Ar. Hindi ko siya kilala pero parang minsan ko na siyang nakita. Hindi ko lang alam kung saan at kailan. Imposible namang dito ko siya nakita sa Maynila dahil wala pa naman ako ritong kakilala. Hindi kaya sa probinsiya?

Kasunod ng mga pagbati nina Ar-Ar at Carla ay hinalikan nila ito sa pisngi. Si Ar-Ar ay hawak pa rin ang kamay ni Marl kaya si Kryz lang ngayon ang nasa aking tabi.

“Daddy! Binantayan kami ng Papa nina Marl at Kryz! Magthank you ka naman diyan!” pagbabalita at biglang utos ni Ar-Ar sa kanyang ama habang tinuturo ako.

Dahil sa ginawang pagtawag na iyon ni Ar-Ar sa kanyang ama ay agad ako nitong nilingon. Kasunod nito ay ngumiti siya nang malapad na lalong nagpagwapo rito.

“Hi!” una nitong pagbati sa akin. “I’m Rigo Silvestre. Thanks for looking after my son and my niece. Glad to meet you. You are?” magiliw nitong pagbati sa akin at inilahad pa ang kanyang mga kamay.

Dahil sa nangyayari ay mabilis akong napatayo mula sa aking kinauupuan. Natataranta akong inabot ang kanyang kamay ngunit hindi ko siya nagawang tugunan. Siyempre, alam na ang dahilan. Wala na naman akong naintindihan dahil ingles na naman.

Habang hawak pa rin ang kamay ni Kuya Rigo ay sinubukan kong lingunin ang mga anak ko. Nagbabaka sakali akong mapansin nila ang paghingi ko ng saklolo. Siguro naman, sa maiksing panahon na magkakasama kami ay alam na nilang hirap akong maintindi ng ibang lenggwahe.

Mukhang hindi naman ako nabigo, dahil saglit lang ang aking hinintay nang ngumiti sa akin ang panganay ko. Kasunod nito ay nilingon niya si Kuya Rigo.

“Tito Rigo, Weldy po ang name ng papa namin ni Marl.” nakangiting pagpapakilala sa akin ni Kryz. “Papa, masaya raw po siyang makilala kayo. Si Tito Rigo po, Daddy siya ni Ar-Ar at Tito naman ni Ate Carla. Sila rin po ang may-ari ng school na ’to.” pagbaling naman sa akin nito.

“Aahhh…” reaksyon ko lang habang tumatango.

Napakatalino talaga ng panganay ko. Alam na niyang nanganganib ako.

“Okay…” sambit lang na tumatango ni Kuya Rigo at binitiwan na rin ang kamay ko. “Ikinagagalak kong makilala ka, Weldy. Salamat ulit sa pagbabantay kina Ar-Ar at Carla habang wala ako. Kinuha ko pa kasi itong kapatid ni Carla na si Drey dahil sa bahay namin sila ngayon tutuloy. May business trip kasi ang magulang nila kaya sa amin muna sila ipinagkatiwala.” mahaba pa nitong paliwanag habang nakangiti.

Hala? Ang bait naman pala ni Kuya Rigo? Nagsalita na siya ng tagalog dahil mukhang napansin niyang hirap ako. Ang swerte siguro ng asawa nito? Bukod sa mukhang artista, marunong din itong makipagkapwa-tao.

“Walang ano man po, Kuya Rigo. Ikinagagalak ko rin pong makilala kayo.” tugon ko lang habang bahagyang yumuyuko.

Nasa ganoon kaming pag-uusap nang sumabat ang anak niyang hanggang ngayon ay mahigpit pa ring hawak ang kamay ng anak ko.

“Daddy, beki rin po si Tito Weldy. Lalaki rin ang asawa niya. Hindi lang ako sigurado kung bottom siya kagaya ni Mamshie at Tito Tom. Tinanong ko kasi si Marl pero hindi niya alam ang ibig sabihin ng top o bottom, eh.” mahaba nitong litanya.

“Ar-Ar!” biglang pagsaway ni Kuya Rigo sa kanyang anak. “Hindi dapat ganyan ang pagpapakilala sa ibang tao!” may diin pa nitong dugtong.

Dahil sa wala naman akong naintindihan sa kanilang pag-uusap ay nanatili lang akong nanonood. Mukhang hindi naman ako nag-iisa dahil maging ang natitirang tatlong bata ay wala rin naintindihan sa sinasabi nila.

Top? Bottom? Ano ’yon? Propesyon ba ’yon? Pero wala naman akong trabaho kaya baka iba ang tinutukoy nito?

“Luh? Sinasabi ko lang kung ano ang naikwento sa akin ni Marl, eh. You know? Interviewing kami kanina noong naglalakad kami papunta rito?” nagkakamot-ulo nang paliwanag ni Ar-Ar.

“Kahit na. Titigil ka ba o gusto mong magkulong na naman tayo sa kwarto ng dalawang oras habang pinangangaralan kita?” pagbabanta na ngayon ng kanyang ama.

Hala? Nag-aaway na ba sila?

“Luh? Ayoko, Daddy. Sige, hindi na ako magsasalita.” nakanguso nang pagsang-ayon ni Ar-Ar sa kanyang ama.

Kakaiba talaga ang batang ’to. Parang matanda na siya kung makipag-usap. Ibang-iba sa mga batang kaedaran lang niya.

Matapos iyon ay hinarap na ako ni Kuya Rigo.

“Pasensiya ka na, Weldy. Madaldal lang talaga ang anak ko, pero mabait naman ’yan. Hindi naman siya nananakit.” nahihiyang paghingi nito ng dispensa at natawa sa huli.

“Ayos lang, Kuya Rigo.” sagot ko lang dahil wala nga akong naintindihan sa kanilang pinagtatalunan.

Ang akala ko ay hindi na magsasalita si Ar-Ar, pero mukhang hindi talaga nito mapigilang sumabat sa mga usapan. Madaldal talaga siyang bata.

“Tito Weldy! Artista ’yang Daddy ko! Lumalabas na siya sa TV! Ang gwapo, ’no?! Mana nga ako sa kanya, eh! Model ’yan parang ako! Kaya nga sikat din ako rito sa school, eh!” pagbibida nito sa kanyang ama.

Natawa lang naman si Kuya Rigo. Naroon din sa kanyang ekspresyon na tila nahihiya siya sa ginawang pagmamalaki ng anak nito.

Dahil sa aking narinig ay biglang nabuhay ang dugo ko. Kaya naman pala pamilyar sa akin si Kuya Rigo ay dahil lumalabas na sa telebisyon ito.

“Artista?!!” reaksyon kong nanlalaki ang mga mata.

Gulat na gulat ang mga bata dahil sa aking biglaang pagsigaw maliban lang kay Ar-Ar na mas lalong gumuhit ang pagkabilib.

“Yes! Artista ang Daddy ko! Gwapo! Mabait! Macho! At peymus parang ako! Complete packaging siya!” tumatango pang pagkumpirma ni Ar-Ar.

Natatawa pa rin si Kuya Rigo at tila ba mas lalong nahiya sa pagkakataong ito. Pero ako? Halos mapatalon na sa mga oras na ito.

“Artista! Pa-picture! Pa-picture sa artista! Pa-picture sa ’yo, Kuya Rigong artista!” paulit-ulit kong sambit dahil sa pagkataranta habang kinukuha ang aking cellphone mula sa aking bulsa.

Ito ang kauna-unahang beses na nakakita ako ng artista kaya ayaw ko nang palampasin pa. Isa ito sa mga pinangarap ko bago pa ako makarating dito sa Maynila, ang makakita ng mga taong nakikita ko lamang noon sa mga palabas.

“Sure, sure!” natutuwa at nahihiya namang pagpayag ni Kuya Rigo. “Son, ikaw na lang ang kumuha sa amin ng Tito Weldy mo.” sunod pa nitong utos sa kanyang anak.

Ibibigay ko na sana ang aking cellphone kay Ar-Ar ngunit umatras ito habang nakakunot ang kanyang noo.

“Luh? Bakit ako? Okay lang sana kung sa akin siya magpapa-picture dahil model din ako! Kaso, sa ’yo lang niya gustong magpa-picture, Daddy! Saka hindi ko mabitiwan si Marl! Baka tumakbo at madapa, eh! May ashma pa naman daw siya!” mahabang pagtutol ni Ar-Ar habang nakasimangot.

“That’s asthma, not ashma!” pagkontra naman ni Carla at umirap pa sa kanya.

“Sus! Parehas lang ’yon! Mas sosyal pa nga ang ashma!” hindi rin pagpapatalo ni Ar-Ar.

Magpapatuloy pa sana ang pagtatalo ng dalawang bata ngunit inawat na rin sila ni Kuya Rigo.

“Kids, tama na ’yan.” pag-awat niya sa mga ito. “Weldy, akin na ang phone mo. Ako na lang ang kukuha ng picture natin.” pagbaling naman nito sa aking nakangiti habang nakalahad pa ang kanyang isang kamay.

Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Agad kong ibinigay ang aking cellphone kay Kuya Rigo para makapagpa-picture na ako sa kanya. Hindi naman niya siguro ito itatakbo dahil mayaman din naman siya. Isa pa, maabutan ko siya kung sakaling itakbo niya ito dahil may mga kasama siyang mga bata.

“Game! Game!” tuwang-tuwa kong sambit at lumapit na rin ako sa kanya.

Magkatabi kaming dalawa at nagawa niya pa akong akbayan. Napakabait niya talaga at ramdam kong sinsero siya sa kanyang ginagawa. Iba ito sa naririnig kong mga tsismis na salbahe raw ang ibang mga artista. Ang swerte ko talaga.

May ilang beses pang kumuha ng litrato si Kuya Rigo kasama ako. Suportado naman ako ng dalawa kong anak dahil binibigyan pa nila ako ng ideya kung ano ang dapat kong gawing pose habang nagpapakuha pa rin kami ng litrato.

Marami-rami na rin kaming kuha nang mapahinto kaming pareho dahil sa biglang pagsigaw ng kung sino.

“Punyeta!!!” boses ng isang lalaki mula sa malayo.

Sa lakas ng boses ng lalaking iyon ay napatingin kaming lahat. Maging ang ibang taong naririto sa lugar ay nilingon ang taong ngayon ay nanlilisik ang mga mata.

Nang makita ko ang taong sumigaw ay halos malaglag ang aking panga dahil sa pagkabigla.

“Ikaw na naman?!!” tanong agad ng lalaking ngayon ay nakalapit na sa aming kinatatayuan.

Gano’n din sana ang gusto kong itanong sa kanya. Siya na naman?! Ang lalaking muntik na akong sagasaan kanina?! Siya ang taong hindi maintindihan ang takbo ng utak!

Agad na inalis ni Kuya Rigo ang pagkakaakbay sa akin at ibinalik din sa akin ang cellphone. Kasunod nito ay nilapitan niya ang lalaking eskandaloso at bajagyang hinawakan sa braso na tila inaawat ito.

“Liam, calm down! Nagpapakuha lang siya ng picture!” natatarantang paliwanag ni Kuya Rigo sa lalaki.

“Calm down?! Paano ako kakalma, Rigz, kung nakita ko na naman ang hampaslupang ’yan?! Alam mo bang kaya nahuli ako ng dating ay dahil pinunyeta ako niyan sa daan?! Tapos sasabihin mo sa aking calm down?!” mas malakas na boses na pakikipagtalo ng lalaking nagngangalang Liam.

Habang tumatalak na parang manok ang lalaking iyon ay sinubukan din nitong duruin ako ngunit mabilis din iyong naawat ni Kuya Rigo. Mabuti na rin iyon dahil nakahanda na rin akong hawiin ang kamay niya ’pag nagkataon. Ayaw ko nang dinuduro ako. Magkakasubukan talaga kami rito.

Gusto ko sanang magsalita o sumabat ngunit mukhang hindi ako makakatiyempo. Nagpatuloy pa kasi sila sa pagtatalo ni Kuya Rigo.

“Fine! But please, kumalma ka muna kahit saglit?! Nakikita ka ng mga bata!” muling pagsaway sa kanya ni Kuya Rigo.

Nang marinig iyon ng lalaking hawak ngayon ni Kuya Rigo ay tila ba natauhan ito. Natahimik siya at pinagmasdan ang mga batang ngayon ay nanonood sa eksena niya rito.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Kuya Rigo bago niya ako kinausap nang mahinahon.

“Weldy, I’m so sorry. Pagpasensiyahan mo na ang asawa kong si Randy. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong nangyari sa inyo kanina, pero pasensiya na talaga kung ganito ang reaksyon niya. Ako na lang ang kakausap sa kanya.” pagpapakumbaba ni Kuya Rigo sa akin.

Ngayon ay naiintindihan ko na. Tulad namin ni Oliver na parehong lalaki, mag-asawa rin silang dalawa.

“Ano ba talagang pangalan niya? Randy o Liam? Ang dami naman niyang pangalan?” bigla kong tanong.

Kung minsan ay wala rin talaga ako sa sarili. Nagkakagulo na nga kami rito, iyon pa ang naitanong ko. Nangangamote na naman ako.

“Randy. Just call him Randy.” pagsagot naman sa akin ni Kuya Rigo.

“Aahh…” reaksyon ko naman habang tumatango. Tila ba balewala rin sa akin ang nangyayaring gulo.

Dahil siguro sa ingay na nagawa ng Randy na ito ay nagising ang sanggol na natutulog. Humikab pa ang sanggol at hindi nakaligtas sa aking mga mata ang dimple nito sa kanang pisngi niya.

“Hala? Ang cute~~” hindi ko napigilang pagkamangha.

Tuwing nakakakita talaga ako ng bata, hindi ko talaga maitago ang aking pagkatuwa.

Maayos naman na gumising ang baby, pero noong maligaw ang mga mata nito sa aking anak na si Marl at kay Ar-Ar na hanggang ngayon ay magkahawak ang mga kamay, bigla na lamang itong umiyak nang napakalakas.

Lahat kami ay nataranta dahil sa pag-iyak ng sanggol. Sinubukang patahanin ng mag-asawa pati na rin ni Carla ang baby ngunit nanatili lamang itong umiiyak habang nakatingin pa rin kina Ar-Ar at Marl.

“Ar-Ar! Ikaw nga rito! Ayaw makinig kay Ate, eh!” paghingi ng saklolo ni Carla para sa kanyang kapatid.

Hindi naman nagdalawang-isip si Ar-Ar. Ngumiti ito sa sanggol at agad na nilapitan. Iyon din ang naging dahilan para mabitiwan niya ang kamay ng anak kong si Marl.

Buong akala ko ay magtatagal pa ang senaryo ng pag-iyak ng bata, pero nang makalapit si Ar-Ar dito at tumigil din ito agad. Hindi lang iyon, dahil kahit may mga luha pa ang sanggol ay napangiti na ito nang malapad.

Kung gano’n, ang batang si Ar-Ar lang pala ang may kakayahang patigilin sa pag-iyak ang bata? Ang cute nila!

Nang lingunin ko ang aking bunso ay nakita kong salitan niya lamang na pinagmamasdan sina Ar-Ar at ang baby na tinatawag nilang Drey. Pero kung kanina ay buong oras na nakangiti ang aking bunso, ngayon ay blangko na ang ekspresyon nito.

“Marl, let’s go? Let’s play na lang while Papa is talking to them! We’re not supposed to listen in adult’s talk, anyway.” biglang pakikipag-usap ni Kryz sa kanyang kapatid.

Pinagmasdan ko lang sila sa kanilang gagawin hanggang sa pumunta sila sa isang pwesto at doon naglaro. Iyon lang naman ang aking magagawa dahil hindi ko naman naintindihan ang sinabi ng panganay ko.

“You see?! Kasalanan mo kung bakit umiyak ang pamangkin ko! Napakaingay mo!” biglang panunumbat sa akin ni Randy.

Napataas ang isang kilay ko dahil sa aking narinig. At kung kanina ay nanahimik lang ako, hindi na pwede sa pagkakataong ito.

“Ano?! Bakit ako?! Eh, samantalang simula nang dumating ka, ikaw na ’tong parang barena dahil sa ingay ng bibig mo!” pagsalungat ko sa kanya.

Hindi na talaga ako papayag na makaisa pa sa akin ito. Nakakaubos siya ng pasensiya. Hindi ko kayang sakyan ang pag-uugali niya.

Saglit na nag-isip si Randy. Mukhang binabalikan ang mga pangyayari simula nang siya ay dumating.

“Oo nga, ’no? Hindi pa pala nagsasalita ang punyetang hampaslupa?” mahina nitong bulong at pakikipag-usap sa kanyang sarili.

Tingnan mo ’to! Ang bilis magpalit ng timpla! Kanina lang grabe kung makapagbunganga! Ngayon naman, nagsasalita nang mag-isa!

Naghintay pa ako sa mga sasabihin niya. Naghahanda na rin ako sa mga isasagot sakaling magbunganga na naman siya. Ilang sandali pa ay ibinalik niya ang kanyang mga tingin sa akin. Ngunit kung kanina ay nababalot ito ng labis na inis, ngayon naman ay naniningkit ang kanyang mga mata na tila ba nangingilatis.

“Alam mo, pamilyar ka talaga sa akin, eh. Sigurado akong nakita na kita at napupunyeta na ako sa pagmumukha mo.” wika nito sa mapanuri nitong tono.

Napangisi muna ako bago sinagot ang sinabi nito.

“Wow, ha? Hindi pa ako artista pero nakilala mo agad ako? Gusto mo rin bang magpakuha ng litrato?” pang-aasar ko.

Mabuti na lang at may kanya-kanya nang pinagkakaabalahan ang mga bata kaya hindi nila nasasaksihan ang lalong tumitindi naming pagsasagutan. Tulad ni Kuya Rigo, ayaw ko rin namang makita ng mga bata ang ganitong mga tagpo.

Sa halip na maapektuhan si Randy sa aking sinabi ay napangisi pa ito. Kasunod nito ay tiningnan niya ako simula ulo hanggang paa ko.

“Yeah. Gusto kong magpakuha sa ’yo ng litrato habang sinasakal ko ’yang leeg mo.” kalmado niyang pang-aasar sa akin pabalik.

“Liam, enough! Walang ginagawang masama sa ’yo ang tao! Umuwi na lang tayo!” biglang pag-awat na naman ni Kuya Rigo sa kanya.

Bilib din naman ako rito kay Kuya Rigo. Napakahaba ng pasensiya sa asawa niyang parang basag-ulo.

“Sandali nga kasi! Nag-uusap pa kami, Rigz! Nagkekwentuhan pa kami!” pakikipagtalo naman ni Randy kay Kuya Rigo.

Hala? Kwentuhan lang pala sa kanya ang nangyayaring ito? Paano na lang pala kung nakikipag-away na talaga siya?

“Anong kwentuhan ang pinagsasabi mo?! Nakikipag-away ka na naman! Gusto mo bang mag-usap na naman tayo nang masinsinan?!” madiin at may halo nang pagbabanta ni Kuya Rigo sa kanya.

Hindi nakaimik si Randy. Nasaksihan ko kung paano nagbago ang ekspresyon nito. Mula sa pagsusungit ay naging maamo ang kanyang mukha habang nakatingin sa kanyang asawa.

“Sagot, Randy! Gusto mo bang mag-usap na naman tayo?!” nagdidikit na ang mga ngipin ni Kuya Rigo na utos sa kanya.

Medyo naiintindihan ko na. Siguro ay tinatawag lang ni Kuya Rigo na Liam ang lalaking ito kapag maayos silang dalawa, pero tinatawag na niya itong Randy tuwing galit na siya.

Kung kanina ay maamo lang ang ekspresyong ipinapakita ni Randy, ngayon ay parang maiiyak na siya dahil sa naging pagbabanta ng asawa niya.

“Ayaw ko, baby Rigz…” mahina lang na sagot ni Randy kay Kuya Rigo habang paulit-ulit na umiiling.

Hala? May kinakatakutan pa pala siya? Mabuti na lang pala at nandito ang asawa niya! Dahil kung nagkataong wala, baka matagpuan na lang kaming gumugulong-gulong sa lupa?!

“Now, let’s go.” pagyaya na ni Kuya Rigo sa kanya. Kasunod naman nito ay binalingan niya rin agad ako. “Pasensiya na talaga, Weldy. Salamat ulit sa pagbabantay sa mga bata.” pagpapakumbaba naman nito sa akin.

“Ayos lang, Kuya Rigo.” sagot ko naman sa kanya.

“Magkapatid kayo?! Bakit mo tinatawag na ’ kuya ’ ang asawa ko?!” hindi na naman napigilang pagtataray ni Randy sa akin.

“Liam, stop!” pag-awat na naman ni Kuya Rigo sa kanya.

Pambihira! Ang sakit siguro sa ulo na makasama ang Randy na ’to? Paano ba sa kanya nakakatagal si Kuya Rigo?

Dahil sa ayaw ko namang maging bastos kay Kuya Rigo ay hindi ko na lamang sinagot pang muli si Randy. Pero hindi naman ako ganoon kabait dahil muli akong ngumisi. Pinaparating ko sa pagngisi kong iyon na natutuwa ako dahil pinagagalitan siya ng asawa niya.

“Son, Carla, let’s go. Ikaw rin, Liam.” pagyayang muli ni Kuya Rigo sa kanila. Siya na rin ang nagtulak ng stroller ng sanggol na si Drey.

Pinanood ko na lamang ang kanilang imahe habang papalayo, ngunit nakakailang hakbang pa lamang sila nang tumigil na naman si Randy at hinarap ako.

Nasaksihan ko kung paano mula sa pagkunot ng kanyang noo ay tila ba nabuhayan ito.

“Now I remember,” una nitong sambit at ngumisi pa ito, “How are you, Weldy Santillan?” sunod pa nitong tanong.

Hindi ako nakapagbigay ng reaksyon dahil nagulat ako. Alam kong nabanggit kanina ng mga bata ang aking pangalan ngunit hindi ang gamit kong apleyido, pero paano niya nalaman ito? Dahil ba sa sila ang may-ari nitong eskwelahan? Pero sa dami ng estudyante rito, paano niya magagawang sauluhin o kilalanin ang mga magulang ng mga mag-aaral dito? Pwede rin kayang minsan na silang nagkausap ng totoong Weldy?

Dahil sa wala akong naisagot sa kanya ay nagpatuloy pa si Randy sa sinasabi nito.

“Tama ako, ’di ba? Ikaw ang asawa ni Dr. Oliver Santillan na naging dahilan kung bakit ako inaway ng asawa ko ilang buwan na rin ang nakakaraan?” sunod pa nitong paghingi ng kompirmasyon.

Mas lalo akong nagulat sa pagkakataong ito ngunit hindi ko iyon ipinakita. Maging si Kuya Rigo ay natigilan at gumuhit sa kanya ang ekspresyong tila ba may nagbalik na ala-ala rito.

Wala akong ideya sa pangyayaring sinasabi ni Randy ngunit hindi ko hahayaang samantalahin na naman nito ang pagkakataong awayin ako.

“Eh, ano ngayon kung ako nga ito? Ano ngayon kung ako nga ang asawa ni Dr. Oliver Santillan?” nakataas ang isa kong kilay na pagtatanong sa kanya pabalik.

Bahagya siyang natawa, kasunod nito ay tiningnan niya akong muli simula ulo hanggang paa.

“Palaban ka nga talaga, ’no?” reaksyon niyang natatawa. “Well, tingnan ko lang kung hanggang saan ka?!” pahabol pa nito sa madiin niyang tono.

Ano ba talagang pinaglalaban nito? Ano bang atraso sa kanya ng asawa ko?

Tulad kanina ay sinikap kong ipakitang hindi ako apektado. Dahan-dahan ay lumapit ako sa kanyang pwesto hanggang sa halos kalahating metro na lamang ang layo namin nito.

“Hinahamon mo ba ako?” tanong ko sa kanya sa madiin ko ring tono.

“Eh, kung sabihin kong oo?” mabilis niya ring sagot at ngumisi pa ito.

“Eh, kung sabihin kong hindi ako natatakot sa ’yo?” maagap ko ring paghahamon.

Wala na. Mukhang kailangan ko nang tanggapin na sa unang pagkakataon ay magkakaroon na ako ng kaaway. Si Randy. Siya ang kauna-unahang tao na makakaalitan ko.

Mas lumapad ang kanyang pagkakangisi at mas lumapit din ito.

“Well, that’s good. Mabibigyan ko na ng hustisya ang patay na oras ko. Pagkakaabalahan kita kahit hindi ka worth ng oras ko.” sagot nito sa sinabi ko.

“Ah, talaga? Sa tingin mo ba masisindak ako?” mas mayabang ko ring balik sa kanya.

“Hindi ka naniniwala? Pwes, maghanda ka na. Pagsisisihan mo kung bakit dito ka naligaw sa teritoryo ko!” ngayon ay mas madiin na niyang pagbabanta.

Bahagya akong natigilan sa kanyang sinabi. Nawala sa aking isip na sa kanilang paaralan nag-aaral ang aking mga anak. Pero dahil sa nangyari na ang bagay na ito, paninindigan ko na lang. Ikekwento ko na lamang kay Oliver ang pangyayaring ito para naman maging handa kami. Isa pa, dahil sa nakita ko namang kontrolado siya ni Kuya Rigo ay hindi niya hahayaang magkaroon ng malaking gulo na ang puno’t dulo ay ang asawa nito.

Mas nilaparan ko rin ang aking pagkakangisi at mas lalo ko pang itinaas ang isang kilay ko.

“Bring it on!” paghamon ko na naman sa kanya. Naalala ko ang naririnig kong salita sa nilalaro ni Marl bago magsimula ang laban sa cellphone ni Ate Loca. “Stage one! Fight!” dugtong ko pa dahil naalala kong ito ang kasunod sa ‘bring it on’ na iyon. Sinabi ko rin iyon dahil parang ang astig lang ng dating.

Bahala na kung tama o mali ang aking sinabi. Basta ang gusto kong makarating kay Randy, hindi ako aatras kahit pa anong mangyari.

Magsasalita pa sanang muli si Randy ngunit agad na namang pumagitna si Kuya Rigo sa amin.

“Hindi ka talaga titigil, Liam?” may pagbabanta nitong tanong sa kanyang asawa.

Muli na namang nataranta si Randy at tinalikuran na rin akong bigla.

“Nagpaalam lang ako sa kanya, Rigz… Wala akong ginagawang masama…” bigla nitong pagpapaawa.

Nagsinungaling pa talaga siya? Kitang-kita na nga ni Kuya Rigo ang nangyari pero pinanindigan pa rin niya ang paggawa ng istorya? Kakaiba talaga siya!

Napabuntong-hininga na lang si Kuya Rigo, kasunod nito ay nilingon din ako.

“’Wag mo na sanang seryosohin ang sinabi ng asawa ko, Weldy. Ako na ang kakausap sa kanya para maiwasan ang gulo. Pasensiya na talaga.” muling pagpapakumbaba nito sa akin.

Tumango na lang ako sa kanya bilang pagtugon. Mabait si Kuya Rigo at ayaw ko nang dagdagan pa ang sakit ng ulo nito.

Matapos iyon ay nagpatuloy na rin sila sa kanilang pag-alis. Nagpaalam pa sina Ar-Ar at Carla sa aking mga anak na walang kaalam-alam na nakipaghamunan na ang kanilang Papa.

“Let’s go na po, Papa?” nakangiti nang pagyaya sa akin ni Kryz nang makalapit na sila sa aking pwesto.

Tumango naman ako nang marahan para tugunan ito. Naging napakabigat ng aking bawat pagkilos habang kinukuha ang mga bag ng aking mga anak. Pakiramdam ko ay marami akong nagamit na lakas dahil sa naganap.

Magkakahawak ang aming mga kamay ay sinimulan na rin naming maglakad para makauwi na ng aming bahay.

“Mga anak, matagal n’yo na bang kilala sina Ar-Ar at Carla?” tanong ko sa kanilang tila nanghihina.

“Matagal na po namin silang kilala, Papa, lalo na si Ate Carla. Si Ar-Ar naman po, kaka-transfer lang dito sa school pero last week lang po kami naging friends. Si Ate Carla po kasi, masyadong friendly sa lahat. While Ar-Ar naman po, laging nakadikit kay Ate Carla para mas dumami pa raw ang fans niya. They’re best of friends po kahit lagi silang nag-aaway.” mahabang sagot ni Kryz sa akin.

“Ahhh…” reaksyon kong tumatango. “Eh, ang mga magulang nila? Matagal n’yo na bang kilala?” sunod ko pang tanong.

“Yes po. May-ari nga po kasi ng school si Tito Rigo. Si Tito Randy naman po ang madalas na sumusundo kay Ar-Ar kaya nakilala na rin namin siya.” sagot pa rin nito sa akin.

Dahil sa aking narinig ay hindi ko naiwasan ang magtanong na naman.

“Gano’n ba talaga ang ugali ng Randy na ’yon? Maayos naman ba niya kayong pinakikisamahan?” panibago kong pag-uusisa.

Kailangan kong alamin ang lahat. Nagkakaroon ako ng pag-aalala na baka idamay niya ang aking mga anak sa aming problema na nagsimula sa maliit na bagay lang.

“No worries, Papa. Mabait naman si Tito Randy sa amin. Minsan nga po, binigyan niya kami ng chocolates kasi bawal daw po ’yon sa kanya. Pati po ang parents ni Ate Carla, mababait din.” mahabang sagot sa akin ni Kryz.

Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa sinabing iyon ni Kryz. Talagang sa akin lang mainit ang dugo ng Randy na iyon at mukhang hindi naman madadamay ang mga anak ko.

Nagpatuloy pa kami sa paglalakad ngunit bahagya akong nagtaka sa katahimikan ng aking bunso.

“Marl, okay ka lang ba? Bakit ang tahimik yata ng cute kong bunso?” nakangiti kong tanong at hinaplos ang pisngi niya. Napansin ko rin kasing hindi na siya bumalik sa pagiging masigla.

Tiningala naman niya ako at nagpamalas ng ngiti niya, pero ang napansin ko, hindi iyon umabot sa kanyang mga mata.

“Papa, pasan mo naman po ako, please?” mungkahi nito sa akin.

Medyo nagtaka naman ako sa sinabi niyang iyon. Ito kasi ang kauna-unahang pagkakataon na siya pa mismo ang humiling nito sa akin. Noon kasi ay lagi niyang sinasabi na baka hikain ako kaya kailangan ko pa itong pilitin.

Siyempre, hindi ko naman matitiis ang mga anak ko. Hindi na ako nagsalita pa, agad na lamang akong umupo sa tapat ni Marl para ipasan siya.

Sakay ko na ngayon si Marl sa aking likod at nagpatuloy na rin kami sa paglalakad. Tulad ng dati, siniguro ko ring kahit may mga hila akong bag ay nakatuon pa rin kay Kryz ang aking mga mata.

Nakasanayan na naming tatlo ang masayang paglalakad habang binabaybay ang aming bahay. Madalas nga ay sinasabayan pa namin ito ng pagkanta. Pero sa pagkakataong ito, naramdaman kong may kakaiba. Si Marl kasi ay itinago ang kanyang mukha sa batok ko, habang si Kryz ay paulit-ulit na nililingon ang kanyang kapatid at tila ba nag-aalala ito.

Hindi ko alam kung may problema ba sila? Pero sa oras na makarating kami ng bahay ay tatanungin ko talaga sila. Mukhang kailangan ko rin itong sabihin kay Oliver dahil sadyang nakakapanibago silang dalawa. May kinalaman kaya ito sa nangyari kanina? Nagsimula silang maging ganito noong bumitiw si Ar-Ar sa pagkakahawak kay Marl. Iyon na kaya ang dahilan? Pero bakit?

Gusto ko rin sanang bigyan ng oras ang paghahanda sa mga natanggap kong pagbabanta mula kay Randy, pero bigla ko rin naisip na may mas mahalaga pa pala akong dapat na isipin.

Malapit na ang kaarawan ng panganay ko. Ano kayang magiging reaksyon niya sa oras na matanggap niya ang aking ireregalo?

Hindi na ako makapaghintay. Sigurado akong magugustuhan niya iyon at baka mahalikan niya ako ng marami! Maraming-marami at parang ngayon pa lang ay hindi na ako mapakali!


A/N

Sa mga nakakakilala kay Randy at Rigo, alam n’yo na siguro kung bakit galit kay Weldy ito, ’no? Hahahaha! At para naman sa mga hindi, maaari n’yong basahin ang SPECIAL CHAPTER 1 ng kwento kong NO STRINGS ATTACHED na nasa aking profile. Iyon ay kung interesado lang kayo sa dahilan.

Para po kay

benfirmeza19

ang chapter na ito. Salamat sa support sa kwentong ito, dear.

Susubukan kong makapag-update asap. Salamat po sa mga matiyagang nag-aabang. Happy vacation sa lahat!

–– cold_deee ❤

03.29.2018

Chapter 13


FRANCE POV

Dumating na ang araw na matagal kong hinintay. Ito ang araw na sabik na sabik akong mangyari dahil sa isang regalong nais kong ibigay.

“Happy birthday, Kryz!!!” sabay-sabay na pagbati ng mga bisitang ngayon ay nasa malaki naming hardin.

Naririto ako sa isang pwesto na bahagyang malayo sa maraming tao. Pinapanood ko ang mga bisita lalo na ang maraming bata na nagkakasiyahan sa mga oras na ito. Nagsisimula na ang programa ngunit hindi ko magawang makipagsabayan sa kaganapan. Halos hindi ko rin maigalaw ang aking katawan dahil sa halo-halo na ang aking nararamdaman.

Masaya ako dahil nakikita kong masaya rin ang mga anak ko. Naroon si Kryz sa maliit na entablado habang sinasalubong ng pasasalamat ang bawat pagbating natatanggap nito. Napakaganda niya dahil sa suot nitong magarang gown at maliit na korona sa ulo. Regalo rin ang mga iyon ni Kuya Michael sa kanya ngayong kaarawan niya.

Sa isang bahagi naman ng nagkalat na mesa at mga upuan ay naroon si Marl kasama sina Ar-Ar at Carla maging ang baby na si Drey. Ayon kay Oliver na kakilala pala ni Kuya Rigo, inihatid lamang nila ang mga bata ngunit hindi na sila sumama pa sa selebrasyon dahil may mahalaga rin daw silang trabaho. Ipinagkatiwala na lamang nila ang mga bata sa kasama nilang mga yaya para may magbantay sa mga ito. Ang balita ko pa, ang mga magulang naman nina Carla at Drey ang magsusundo mamaya sa kanila sa oras na matapos ang selebrasyong ito.

“Kuya Weldy, kami na riyan! Puntahan mo na si Kuya Oliver para makipag-bonding ka rin sa mga bisita ninyo!” biglang paggising sa akin ni Ate Aning mula sa aking pagkakatulala.

“A-ahm… A-ayos lang, Ate Aning. Tutulong na lang ako sa inyo para mas mapadali ang trabaho.” pagtanggi ko rito at agad din akong umalis sa aking pwesto.

Dala ko ang isa sa mga regalong para kay Kryz na nagmula sa mga bisita nito. Hindi na kasi nagkasya ang iba pang regalo sa entablado kung nasaan ngayon ang panganay ko. Malalaki ang karamihan dito kaya kinailangan pa naming ilipat ng ibang pwesto.

Kumilos na ako at inilagay iyon sa isang mesa na katabi naman ng isang cake na napakalaki. Nang tuluyan ko iyong mailapag ay hindi ko naiwasang tingnan ang mga ito. Kasunod nito ay tiningnan ko naman ang mahabang mesa kung saan naman nakalatag ang maraming pagkain na hindi kami ang nagluto. Mayroon kasing tinatawag na catering service sina Ate Aning na inupahan daw ni Kuya Michael para wala na rin kaming iisiping lulutuin.

Hindi ganito ang inaasahan kong handaan para sa kaarawan ng aking anak. Ang inaakala ko kasi ay simple lang ito tulad ng aking nakasanayan sa bahay-ampunan. Masyado itong magarbo at hindi maikakailang mayayaman ang mga imbitado.

Sa akin kasing pinanggalingan, masaya na kami sa pansit o spaghetti na aming pagsasaluhan. Walang mga lobo at walang magarang dekorasyon tulad nito. Walang payaso na nasa entablado para magpamalas ng magic. Walang ganoon doon dahil ako ang nagsisilbing tagapagpasaya sa mga batang naroroon. Kakanta, sasayaw at magpapatawa ako kahit magmukha akong tanga. Ang mahalaga kasi sa akin ay ang mapasaya roon ang mga bata.

Hindi ko maiwasang manliit sa aking sarili dahil hindi ako naging handa. Lalo kong nakikita ang aking kaibahan sa mga taong naririto maging sa pamilya ko. Hindi ako kasing palad nila, hindi ako sinuwerte tulad nila na may marangyang pamumuhay at nakukuha ano man ang gustuhin nila.

Hindi ko alam kung ilang minuto na ba akong nasa kailaliman ng pag-oobserba sa kapaligiran. Naputol na lamang ang malalim kong pag-iisip nang may isang tao ang humawak sa aking kanang kamay.

“D-daddy…” nauutal kong pagtawag kay Oliver nang lingunin ko ito.

“Weldy, are you okay? Kanina pa kita tinatawag pero parang hindi mo ako naririnig? May problema ba? Hindi ka ba nag-e-enjoy sa birthday party ni Kryz?” sunod-sunod nitong tanong sa tonong nag-aalala.

Hindi ako agad na nakasagot sa tanong niyang iyon. Kinailangan ko pang humugot ng malalim na buntong-hininga para lang maging handa. Ayaw kong makahalata siya. Ayaw kong mapansin niyang mabigat ngayon ang aking dinadala.

Nang magkaroon na ako ng sapat na lakas para magsalita ay ngumiti ako sa kanya. Kasunod nito ay hinigpitan ko rin ang pagkakahawak sa kamay niya.

“O-oo naman… M-medyo nabigla lang ako sa dami ng bisita. Hindi ko kasi inaasahan, Daddy. Wala man lang akong naiambag para maging ganito kaganda ang selebrasyon ng kaarawan ng anak natin.” sagot kong nauutal sa kanya.

Nasaksihan ko kung paano ngumiti si Oliver at marahang binitiwan ang kamay ko. Kasunod nito ay umakbay siya sa akin at bahagyang lumapit para halikan ako sa sentido.

“Wala ka naman ibang dapat gawin, Weldy. Alam mo ba kung ano ang mas importante ngayon para kay Kryz? Mas mahalaga sa kanya na nandito ka at gising ka na. Na nandito tayo at kompletong nagsasaya sa birthday niya.” paliwanag sa akin ni Oliver habang paulit-ulit na hinahaplos ang balikat ko.

Medyo naliwanagan naman ako, pero hindi pa rin nito nabawasan ang bigat ng nararamdaman ko. Ganoon pa man, tumango na rin ako kay Oliver bilang pagtugon dahil ayaw ko siyang bigyan pa ng alalahanin. Kailangan kong ipakitang nauunawaan ko ang lahat para wala na rin siyang iisipin.

Matapos ang aming maikling pag-uusap ay ibinalik niya ang pagkakahawak sa aking kamay.

“Halika na? Magsisimula na rin ang gift opening. Kailangang nandoon tayo sa tapat ng stage dahil tayo ang pamilya ni Kryz.” pagyaya na nito sa akin.

“Mmmm…” tugon ko lang na tumatango sa kanya.

Magkahawak pa rin ang kamay namin ni Oliver nang makarating kami sa isang mesa kung saan naroon na rin si Kuya Michael habang kalong niya si Marl. Tulad din ng inaasahan, tuwing magtatagpo ang mga paningin namin ni Kuya Michael ay hindi maitatago ang galit o inis namin sa isa’t isa. Bahagyang nabawasan lamang ito dahil nakikita kong mas nangingibabaw ang kanyang saya habang pinapanood ang masayang ekspresyon din ni Kryz dahil sa ibinigay niya ritong sorpresa.

“Simulan na natin ang pagbubukas sa regalo ni Kryz! Handa na ba kayo, mga bata?!” masayang pagtatanong ng isa sa mga payasong nasa entablado.

“Opo!!” sabay-sabay naman na sagot ng mga batang imbitado.

Muli kong tiningnan si Kryz na ngayon ay nakaupo sa isang espesyal na silya. Dahil sa kanyang magandang ayos ay nagmukha talaga siyang prinsesa.

“Pero dahil sa maraming gifts na natanggap si Kryz, ang bigay na lang muna ng family niya ang bubuksan niya, ha?! Siyempre, hihingian din namin ng message ang mga special na tao sa kanya! Okay ba sa inyo ’yon, mga bata?!” paliwanag at pagtatanong naman ng isa pang payaso na nasa entablado rin.

Binalot ako ng kaba nang marinig ko ang anunsyong iyon. Hindi ko naiwasang mag-alala sa mga magaganap lalo na kung kasama nga ako sa mga taong dapat na magsalita.

“Unahin muna natin ang kanyang Tito Michael na nagbigay ng party na ito para kay Kryz! Masigabong palakpakan na may halong sigawan!!” masayang pagtawag ng isang payaso kay Kuya Michael.

Lahat ay sumisigaw at pumapaklakpak. Lahat ay may malawak na ngiti ganoon din ang aking pamilya na nasa tabi ko. Pero ako, tila ba mabigat ang mga kamay kong sumusunod sa mga pangyayari rito. Hindi ko magawang ipakita ang aking sinserong ngiti dahil nagsisimula na akong makaramdam ng takot sa mga oras na ito.

Maingat munang pinaupo ni Kuya Michael si Marl sa silya bago siya kumilos para puntahan naman si Kryz na nasa gitna. Nang makarating din siya ng entablado ay may kinuha siyang isang malaking regalo at napakaganda rin ng pagkakabalot nito.

Ibinigay ng isang payaso ang mikropono kay Kuya Michael tanda na dapat ay magsasalita ito.

“Well, ano pa bang gusto kong sabihin sa magandang pamangkin ko?” panimulang tanong ni Kuya Michael kay Kryz na nasa kanyang tabi. “Nagustuhan mo ba ang surprise birthday party ko for you, Kryz?” sunod niya pang pagtatanong.

“Super po, Tito Michael! Thank you po! I love you, Tito!!” masayang sagot naman ni Kryz sa kanya habang pumapalakpak pa ito.

Natawa naman si Kuya Michael at nilapitan si Kryz para halikan sa ulo. Kasunod nito ay tumayo siya nang tuwid ngunit nanatili na siya sa tabi ng aking panganay habang nakaakbay rito.

“You know how much I love you, Kryz, kayong dalawa ni Marl. Kaya kahit anong gustuhin n’yo, basta’t kaya ni Tito Michael, ibibigay ko dahil gusto kong laging masaya ang mga pamangkin ko. Big girl ka na, Ate Kryz! And proud ako dahil lumalaki kang bukod sa maganda, napakabait pang bata. Just keep it up. I love you, Kryz!” mensahe pa ni Kuya Michael para sa kanyang pamangkin at niyakap muli ito.

Lahat kami ay muling pumalakpak dahil sa naging kaganapan. Napakaganda nilang pagmasdan. Kahit naiinis ako kay Kuya Michael, hindi ko maikakailang nakikita ko kung gaano kalaki ang malasakit niya sa mga bata. Ramdam kong sinsero ang kabutihang ipinapakita niya sa aking mga anak.

“Now, it’s time to open the gift! Ano kayang laman ng gift ni Tito Michael para kay Kryz?! Mahuhulaan n’yo ba, mga bata?!” pagsingit ng isang payaso habang ipinapakita ang malaking regalo na halos kalahati ng katawan ng tao ang sukat. Iyon din ang kinuha ni Kuya Michael kanina mula sa isang sulok ng entablado bago siya pumunta sa gitna.

“Open the gift! Open the gift!”

“Open mo na, Kryz!!”

Maraming bata na ang sumisigaw dahil sa pag-aabang. Maging si Marl na nasa aking tabi ay hindi maitago ang pananabik na makita rin kung ano ang nilalaman ng regalong iyon. Nang lingunin ko naman si Oliver ay nakangiti ito sa panonood kina Kryz at Kuya Michael na hanggang ngayon ay nasa entablado.

Kumilos si Kuya Michael para maalalayan si Kryz na makababa sa silyang kanyang kinauupuan. Mahaba at makapal kasi ang suot nitong damit na tulad nga ng isang prinsesa.

Hindi maitago ni Kryz ang labis niyang tuwa nang sinimulan na niyang buksan ang regalo na bigay ni Kuya Michael. Bakas sa kanya ang pananabik na makita agad ang nilalaman no’n.

“Wow!! Thank you, Tito Michael!! Ang ganda po!! Thank you so much po!!” masayang-masayang reaksyon ni Kryz nang tuluyan na niyang makita ang regalo nito. Hindi niya rin napigilang yakapin at halikan nang paulit-ulit si Kuya Michael sa gitna ng entablado.

“You’re welcome. Anything basta para sa inyo.” malambing namang tugon ni Kuya Michael habang yakap ang pamangkin nito.

Nasa ganoon silang tagpo nang ianunsyo ng payaso ang nilalaman ng regalong iyon ni Kuya Michael sa anak ko.

“Wow! Ang ganda ng doll house ni Kryz! Parang palasyo sa sobrang laki! ’Di ba, mga bata?!” masaya nitong pagbabalita sa aming lahat.

Kung kanina ay palakpakan lang ang maririnig sa buong lugar, ngayon ay sinasabayan na iyon ng mga pagsigaw.

“Ang ganda ng regalo ng Tito Michael niya, ’no? Ganyan din ang pangarap ng alaga ko, eh!”

“May doll house na ang inaalagaan ko, pero mas maganda naman ’yan saka mas malaki! Ang galante talaga ng tiyuhin ni Kryz!”

Marami pa akong nadinig na papuri sa regalong natanggap ni Kryz mula kay Kuya Michael. Dapat ay masaya ako, dapat ay ipinagmamalaki ko ang bagay na ito, pero kahit anong pagsusumikap ko ay hindi ako makaramdam ng tuwa dahil hindi ko maiwasang ikumpara ang simpleng bagay na nakayanan ko.

Matapos ang pagbibigay mensahe ni Kuya Michael ay agad din itong bumaba sa entablado at nagtungo sa aming pwesto.

“Oliver, maiwan ko muna kayo, ha? Doon lang ako pepwesto para kuhanan kayo ng video sa greetings n’yo kay Kryz!” masiglang pagpapaalam ni Kuya Michael habang itinuturo ang isang pwesto nitong hardin. “Marl, smile ka mamaya para gwapong-gwapo sa camera, ha?!” pagbaling naman nito kay Marl habang kinukusot ang buhok nito.

“Sige lang. Salamat, Michael.”

“Yes po, Tito!”

Sabay iyong sagot nina Oliver at Marl kay Kuya Michael.

Inaasahan ko nang hindi kami mag-uusap ni Kuya Michael, pero nagawa pa rin ako nitong tingnan nang makahulugan. Kasunod nito ay ngumisi siya sa akin na naging dahilan para lalo akong kabahan. Hindi naman iyon napansin ng aking mag-ama dahil naging abala na rin sila sa panonood kay Kryz na tuwang-tuwa pa rin sa regalong natanggap niya.

“This time, ang cute na baby brother naman ni Kryz ang magbibigay ng message at gift sa kanya! Let us all welcome, Baby Marl!” masaya na namang pag-anunsyo ng isang payaso sa gitna.

Tulad kanina ay nagpalakpakan na naman kaming lahat. Ganadong-ganado rin na bumaba si Marl mula sa kanyang silya at halos takbuhin ang entablado para yakapin at halikan ang ate niya.

“Happy birthday, Ate!” unang pagbati ni Marl habang akbay siya nito. “I want you to know that I’m really, really, really blessed because I have the great sister in the world! Thank you for always taking care of me, Ate! I love you!” sunod pa nitong mensahe at hinalikan niyang muli ito sa pisngi.

Dahil sa aming nasaksihan ay pareho kaming napapalakpak ni Oliver nang malakas habang may malapad na ngiti sa aming labi. Bahagya ring nabawasan ang aking alalahanin dahil sa pagkatuwa sa magkapatid.

“I love you too, Marl! Thank you! What’s your wish naman for Ate?” tanong naman ni Kryz sa kanyang kapatid.

Inilagay muna ni Marl ang kanyang isang daliri sa kanyang sentido na tila nag-iisip ito. Dahil doon ay nagtawanan kami dahil ang cute niya sa ganoong aspeto.

“Ang wish ko, sana lagi mo akong panalunin sa laro nating dalawa! Sana rin, lagi mo akong bigyan ng foods mo! Sana, lagi mo rin sa akin ipahiram si Dora na stuffed toy mo!” sunod-sunod na sagot ni Marl sa tanong ng kanyang Ate.

Halos mabingi kami sa tawanan ng tao dahil sa pagkaaliw sa aming bunso.

“Woohoo!! Ang galing ng speeching ni Marl! Comparing ko ’yan!! Comparing ko ’yan!!” sigaw ng kaibigan nilang si Ar-Ar habang nakataas pa ang mga kamay.

“Ar-Ar, will you please shut up?! Ang ingay mo naman, eh! Saka anong comparing ang sinasabi mo?!” naiirita namang tanong ng kaibigan nilang si Carla matapos hilain pababa ang kamay ni Ar-Ar.

“Sus! Comparing lang, bes, hindi mo pa alam?! Sa tagalog, kumpare ’yon! Mag-aral ka nga! Puro ka kasi kontra, eh! Kontrabida ka ba o kontra-bulate ka?!” paglilinaw naman ni Ar-Ar na lalong ikinatawa ng lahat.

“O-M-G! Nakakahiya ka talaga!!” reaksyon lamang ni Carla at naitakip niya pa ang kanyang mga palad sa kanyang mukha.

Lalo nang lumakas ang tawanan ng ibang bisita dahil sa eksena. Kinantiyawan pa si Marl ng isang payaso na hindi naman daw iyon wish para sa kanyang Ate kundi para sa kanyang sarili. Ganoon pa man, dahil sa madalas namang pinagbibigyan ni Kryz ang kanyang kapatid ay sumang-ayon na lamang ito.

“At ano namang gift ni Marl sa kanyang Ate?” tanong muli ng isang payaso makalipas ang ilang sandali.

Hindi naman agad na sinagot iyon ni Marl. Saglit muna itong nagtungo sa isang sulok kung saan pa rin nakapwesto ang mga regalo.

“Nanghingi ako ng money kay Tito Michael para makabili niyan! Open mo na, Ate!” pagbabalita ni Marl kay Kryz habang inaabot dito ang isang regalo.

Wala nang inaksaya pang oras si Kryz at agad ding binuksan ang regalong iyon ng kanyang kapatid.

“Wow! Play-Doh!! Kaya pala ayaw akong bigyan ng ganito nina Daddy at Tito Michael kahit ilang beses na akong nagpapabili dahil ikaw ang magbibigay nito?!” namamanghang tanong ni Kryz kay Marl habang tinitingnan ang regalong ibinigay nito.

“Mmm-mmm!! Sabi ko, ’yan ang ireregalo ko sa ’yo sa birthday mo, eh! Pero pahiram din ako, ha? Gawa tayong ice cream saka pizza! Pahiram ako, ha? Ha, Ate, ha?!” sagot at pangungulit naman ni Marl sa kanya.

“Sure!! Thank you, Marl! I love you!!” naging reaksyon naman ni Kryz at hindi napigilang yakapin muli ang kanyang kapatid.

Muli kaming nagpalakpakan dahil sa tagpo ng magkapatid. Kitang-kita ko ang saya kay Oliver at hindi niya maikakailang ipinagmamalaki niya ang kanyang mga anak. Si Kuya Michael din ay nakita ko pang sumisigaw mula sa malayo dahil sa tuwa kahit pa abala ito sa pagkuha ng video ng dalawang bata.

Matapos ang pagbati ni Marl sa kanyang Ate ay hindi na rin ito bumaba pa sa entablado. Nagbalik si Kryz sa kanyang silya habang nakatayo naman sa kanyang tabi si Marl na tila ba nagsilbing prinsipe niya.

“And now, ang isa pa sa pinakaespesyal na tao sa buhay ng ating birthday celebrant ang magbibigay ng kanyang message! Let’s give him a warm of applause! Daddy Oliver!!” sunod na pag-anunsyo ng payaso.

Nang marinig ko iyon ay nagbalik ang kaba ko. Kung tinawag si Oliver para magsalita sa gitna, nangangahulugan nga na kailangan ko rin iyong gawin mamaya.

Alam ng mga taong naririto na magulang din ako ni Kryz. Kilala nga ako ng ibang magulang na naririto o kahit ng ibang bata dahil minsan na silang nakilala ng totoong Weldy. Naging maagap lang si Oliver sa pagpapaliwanag sa kanila kanina kaya naunawan nilang hindi ko sila makikilala.

“Weldy, maiwan muna kita, ha? Hihintayin ka namin sa stage mamaya.” nakangiting pagpapaalam sa akin ni Oliver at nagawa pa niyang hawakan ang aking kamay.

Dahil sa kaba ay wala akong naisagot kundi ang marahang pagtango sa kanya.

Nang makabitiw sa akin si Oliver para magtungo sa entablado ay lalo kong naramdaman na ako lang sa lugar na ito ang naiiba. Pakiramdam ko ay pinagtitinginan na ako ngayon ng lahat at pinag-uusapan ako lalo na at nag-iisa na lamang ako ritong nakaupo.

Pinagpapawisan na ako dahil sa nerbiyos. Tila ba sa bawat pagpatak ng segundo na nagtatagal ang selebrasyong ito ay unti-unti kong naiisip na hindi ako nararapat dito. Hindi nila ako kauri. Hindi nila ako katulad dahil isa lang akong estranghero sa lugar na ito maging sa pamilyang kinikilala ako.

“First of all, let me thank you all, guys, for joining us to celebrate my daughter’s special day. To all the kids here, parents, to our friends and to my fellow doctors na alam kong busy rin, thank you so much for giving us your time.” panimula ni Oliver nang makatapak siya sa entablado.

Nagpalakpakan ang mga bisitang naririto, pero ako, naiwang walang reaksyon sa mga oras na ito. Hindi ko magawang makipagsabayan sa lahat dahil hindi ko naintindihan ang malaking bahagi ng mga sinabi ni Oliver.

Nahihiya ako. Lalo akong nanliliit sa sarili ko. Ganito na ba ako kamangmang na kahit ang mga tagapag-alaga o ang mga yaya ng mga batang naririto ay naintindihan ang sinabi ni Oliver? Ganito na ba ako kabobo dahil ingles ang sinabi nito at wala akong naintindihan kahit isa rito?

Habang nagpapatuloy sa pagsasalita si Oliver sa ibabaw ng entablado ay wala akong nagawa kundi ang hilutin ang mga kamay ko. Iyon lang ang magagawa ko dahil wala akong makakaramay sa mga oras na ito. Wala akong mahihingian ng tulong kundi ang sarili ko.

Muling nagbalik sa akin ang pakiramdam ng pangungulila. Naglalaro na rin ngayon sa aking sa isip na sana ay hindi na lang ako rito napadpad sa Maynila. Nakakaramdam din ako ng pagsisisi kung bakit iniwan ko ang dating tahanan na kahit paano ay may mga madre akong nakakausap, na may mga bata sa aking tumatanggap.

“To my beautiful daughter, Kryz, happy birthday,” muling pagsasalita ni Oliver nang makaharap na niya ang kanyang panganay. “Please, always remember that I love you so much, kayong dalawa ni Marl. You are my precious gems na hindi ko kayang makitang may gasgas. I don’t wanna see you hurting and crying. I love you so much na kahit gaano kahirap, gagawin ko para sa inyo. Daddy will do everything just to keep those smiles. Kung nawawalan man ng time si Daddy sa inyo, I’m really sorry. Please do understand that I just want to protect you and secure your future. ’Yon lang.” madamdamin pang pagbibigay ng mensahe nito.

Naging napakatahimik ng paligid. Nakikita kong nagiging emosyonal ang iba dahil sa mensaheng ibinigay ni Oliver. Kahit pa hindi ko naintindihan ang ilang mga sinabi nito, naramdaman ko naman ang senseridad at nag-uumapaw niyang pagmamahal sa mga anak nito.

Ngumiti sina Kryz at Marl matapos ang mensaheng iyon ni Oliver.

“Thank you, Daddy. We love you too.” malambing at sabay na sagot ng dalawang bata sa kanilang ama.

Muling nagpalakpakan ang mga tao lalo na nang yakapin nila ang isa’t isa. Hindi ko magawang tingnan sila nang matagal dahil nilalamon na ako ng halo-halong emosyon. Takot, pagsisisi at nakalulunod na lungkot dahil sa aking pag-iisa.

May ilang segundo pang magkakayakap ang mag-aama hanggang sa agawin ni Marl ang mikropono sa Daddy niya.

“Daddy, ano pong gift n’yo kay Ate?! Excited na po akong makita!” masayang pagtatanong ni Marl sa kanyang ama.

Nagtawanan ang mga taong naririto dahil sa pagkaaliw kay Marl.

“Parang si Kuya Marl ang may birthday, ano po?!” pagbibiro pa ng isang payaso na mas lalong ikinatawa ng lahat.

Ilang segundo rin ang lumipas bago iyon sagutin ni Oliver nang muli niyang mahawakan ang mikropono mula kay Marl.

“Gift? Wala, eh. Wala sa mga box na nandiyan.” sagot ni Oliver na natatawa habang tinuturo ang pwesto kung nasaan ang mga regalo.

“Aayyyy….” sabay-sabay naman na reaksyon ng mga tao maging ng mga anak ko.

Lahat sila ay nanghihinayang dahil sa kanilang narinig. Pero ako, bahagya akong nabuhayan ng loob. Nagkaroon ako ng kaunting pag-asang hindi mapapahiya dahil sa regalong sa tingin ko ay walang halaga.

“Wala rito dahil nasa kwarto! Plane ticket and vacation with us sa Palawan since matagal mo nang gustong makita ang beach doon!” biglang pag-anunsiyo ni Oliver sa masaya niyang tono.

Nang marinig iyon ng lahat ay halos mayanig ang lugar dahil sa malakas na sigawan at palakpakan. Nakita ko rin na napatalon si Kryz mula sa kanyang silya at niyakap si Oliver dahil sa sobrang tuwa. Paulit-ulit niyang hinalikan ang kanyang Daddy kasabay ng paulit-ulit din niyang pasasalamat.

“Ang swerte naman nina Kryz! Balita ko, maganda raw talaga sa Palawan! And knowing Doc Oliver, hindi siya basta-basta kukuha ng mumurahing hotel! Siyempre espesyal ’yon! Mahal ang magagastos lalo na kung marami silang pupunta roon!” narinig kong reaksyon ng isang ginang mula sa aking likuran.

“Madaya kayo! Hindi ako kasama!” sigaw naman ni Kuya Michael mula sa kanyang pwesto habang abala pa rin sa pagkuha ng video.

Labis na pagkadismaya ang aking naramdaman nang marinig ko iyon. Mabilis ding nanumbalik ang lungkot sa akin at mas naging doble na sa pagkakataong ito. Mas lalo na rin akong nanliit sa aking sarili kaya wala akong nagawa kundi ang matulala na lamang sa aking pwesto.

Gusto ko nang umiyak habang ikinukumpara ang aking inihandang regalo sa mga regalong natanggap ng anak ko. Malaki ang pagkakaiba nito. Sa halaga pa lang ng nagastos, makikita na ang malaking pagkakaiba nito.

Gusto kong sampalin ang sarili ko. Gusto kong sumbatan ang sarili ko. Paano ko naisip na maghanda ng regalong maganda lang sa paningin ko ngunit hindi sa paningin ng anak ko? Napakatanga ko. Wala talaga akong silbi sa pamilyang ito.

“And lastly, ang taong kukumpleto sa Santillan family, ang isa sa pinakaespesyal na tao sa buhay ni Kryz, si Papa Weldy!! Palakpakan naman tayo diyan na may kasamang sigawan!!” muling pag-anunsiyo ng tagapagsalitang payaso sa entablado.

Inaasahan ko nang magsasalita ako, ngunit nang marinig ko ang pagpapakilalang iyon sa akin ay halos manigas na ang buong katawan ko.

“Papa Weldy! Your daughter is waiting for your heartwarming message! Come over here!” pagtawag muli sa akin ng payaso.

Hindi ko naintindihan ang kanyang sinabi ngunit alam kong tinatawag ako nito dahil sa akin nakatapat ito. Nang ilibot ko rin ang aking mga mata sa paligid ay nakumpirma kong ako na lang ang hinihintay ng mga taong naririto. Lahat sila ay nakatingin sa akin para abangan ang magiging pagkilos ko.

“Papa! Excited na po ako sa message mo! Halika na po!” sunod pang pagyaya sa akin ni Kryz habang nakangiti.

Gusto kong kumilos ngunit tila ba napakabigat talaga ng katawan ko. Ramdam ko na rin ang mas lalong pagbilis ng tibok ng aking puso dahil sa kabang nararamdaman ko.

Hindi ko alam kung ilang segundo ba akong walang kagalaw-galaw sa aking pwesto, pero natauhan na lang ako nang maramdaman ko ang paghawak ng isang tao sa kamay ko.

“Papa, hinihintay ka na po ni Ate! Tara na po?” pagyayang nakangiti sa akin ni Marl na hindi ko namalayang nakababa na pala mula sa entablado.

Hindi ko na nagawa pang tumugon sa kanya dahil kasunod ng kanyang pagyaya ay hinila na rin niya ako para makaalis mula sa aking silya.

“Palakpakan naman natin si Papa Weldy, mga bata!!” masayang sigaw ng payaso nang makaayat na kami ni Marl sa entablado.

Ngayon ko lalong nakita ang kabuuan ng lugar. Ngayon ko lalong nakumpirma na ako lang talaga ang naiiba rito habang pinagmamasdan ang mga taong magaganda ang kasuotan sa mga oras na ito. Kahit pa suot ko ang damit ni Weldy na nalalapit din sa kanilang kasuotan, nakikita ko pa rin ang aking kaibahan.

Lahat sila ay nasa akin ang atensyon. Dahil doon ay mas lalo na akong kinakabahan ngayon.

“Papa Weldy, aside from greetings, any advice to your daughter?! C’mon! Spit it out!” masayang pagsasalita ng payaso sa tonong nagtatanong at iniabot sa akin ang mikropono.

Napalunok ako nang marinig ko ang sinabing iyon ng payaso. Hindi ako sigurado kung pagbati lang ba iyon o nagtatanong na talaga ito. Gusto ko man tanungin sina Oliver kung ano ang kahulugan no’n ngunit hindi ko magawa dahil sa mga taong nanonood sa akin sa mga oras na ito.

Natatakot ako. Natatakot akong sumubok na sagutin iyon dahil baka magkamali lang ako. Ayaw kong mapahiya ang pamilya ko dahil sa kagagawan ko.

“A-advice..? S-spit..?” nauutal kong pag-uulit sa sinabi ng payaso.

Nagsisimula na akong magmukhang tanga sa ibabaw ng entablado. Naramdaman ko na rin ang panginginig ng aking katawan dahil sa takot. Lalo pa akong pinagpawisan ng malamig nang ilibot kong muli sa paligid ang mga mata ko.

Naroon at nagsisimula nang magbulungan ang mga tao na tila ba pinag-uusapan ako. Hindi rin nakaligtas sa aling paningin ang masamang pagtitig sa akin ni Kuya Michael na tila dismayado ito. Kasunod pa nito ay ibinaba niya rin ang camera na kanyang hawak at mabilis na umalis sa kanyang pwesto.

Gusto ko nang umiyak ngunit sinikap kong pigilan ito. Wala akong mapagpipilian kundi ang magdasal na lang sa mga oras na ito, taimtim na dasal na sana ay tumigil na lang ang oras o kaya naman ay magbago ang nagiging tagpo.

Natigilan ako sa mahabang pag-iisip nang maramdaman ko ang pag-akbay sa akin ni Oliver at ang marahang paghaplos nito sa balikat ko. Kasunod naman nito ay bumulong siya sa tenga ko.

“Weldy, ’wag kang kabahan. Nandito ako at ang mga anak mo. Hindi ka namin pababayaan. ’Wag mong isipin ang ibang tao para hindi ka nerbiyosin. Isipin mo lang na tayo-tayo lang ang nandito. Sabihin mo ang mensahe mo para kay Kryz ngayong birthday niya. Kahit ano, Weldy. Kahit ano, basta’t taos sa puso mo.” malambing nitong pagsasalita sa tapat ng tenga ko.

Nilingon ko nang dahan-dahan si Oliver at natagpuan kong nakangiti siya sa akin at marahan din siyang tumango. Alam kong pinalalakas niya ang aking loob at ramdam kong sinsero ang mga salitang binitiwan nito. Kaya naman dahil sa ginawa niyang iyon ay nakaipon ako ng tapang kahit paano.

Huminga ako nang malalim. Kasunod nito ay sinikap kong tingnan ang aking anak na nagdiriwang ng kaarawan nito. Nakatingin din pala silang dalawa sa akin at bakas sa kanila ang pag-aalala na ayaw kong makita mula sa kanila.

Tama si Oliver. Si Kryz ang dapat na pagtuunan ko ngayon ng pansin dahil ngayon ang espesyal na araw niya. Ang dapat ko lang na gawin ay maging natural sa harap niya.

“Kryz, anak…” malambing kong pagtawag sa aking panganay.

Iyon pa lang ang aking nasasabi pero mabilis nang gumuhit ang ngiti sa dalawang anak ko. Nakita ko kung paano mula sa pag-aalala ay nabuhayan muli ang mga ito.

“Happy birthday,” nakangiti ko nang pagpapatuloy habang nakatingin nang tuwid sa kanya. “Gusto ko lang sabihin na napakasaya ko. Napakasaya ng Papa dahil nabigyan ako ng anak na tulad mo, tulad ninyo ng kapatid mo.” dugtong ko pa.

Hindi ko alam kung paano ko iisa-isahin ang gusto kong sabihin sa kanya. Pero tulad nga ng sinabi ni Oliver, ang kailangan ko lamang gawin ay sabihin nang taos sa aking puso ang lahat.

Nagpatuloy pa ako sa aking sinasabi ngunit hindi ko mapigilan ang maging emosyonal.

“Simula nang magising ako, hindi n’yo lang alam kung gaano ako nagpapasalamat sa bawat araw na kasama ko kayo. Salamat kasi lagi kayong nandiyan. Salamat dahil sa kabila ng mga bagay na hindi ko alam, nandiyan kayo para lang umalalay. Gusto kong malaman n’yo na napakaswerte ko dahil kayo ang nasa tabi ko nang magkamalay ako. Lagi mong tatandaan na kahit anong mangyari, nandito lang si Papa, ha? Mahal kita. Mahal ko kayo. Salamat sa inyo.” nakangiti ngunit maluha-luha kong mensahe para sa anak ko.

Matapos kong sabihin ang mga salitang iyon ay narinig ko ang malakas na palakpakan sa kapaligiran. Nang iangat ko ang aking paningin ay naroon ang mga taong sinasalubong ako ng malapad nilang ngiti. Ang ilan pa sa kanila ay tila ba naging emosyonal din dahil sa aking mensahe na purong pasasalamat.

“Napaka-sweet naman ni Papa Weldy! More palakpakan more fun, mga bata!!” utos pa ng payaso sa kanila.

Matapos ang kaganapang iyon ay naramdaman ko na lamang ang mga yakap sa aking bewang na nagmula pala sa aking mga anak. Sa wakas ay gumuhit na sa akin ang ngiti dahil pakiramdam ko ay napasaya ko sila. Nagawa ko ring gantihan ang kanilang yakap kaya lalong nagdiwang ang mga nakakakita.

“Thank you, Papa… Thank you rin po sa lahat… Thank you po kasi kahit marami kayong nakalimutan, pinaparamdam n’yo pa rin kung gaano n’yo kami kamahal ni Marl… Thank you, Papa… We love you…” emosyonal ding pagsagot sa akin ni Kryz habang yakap ako.

“Ako rin po, Papa… I love you po… Thank you for everything…” si Marl na hindi rin napigilan ang halikan ako sa pisngi nang makayuko ako.

“I lab you too, mga anak…” sagot ko rin sa kanila at hinalikan din sila.

May ilang segundo rin kaming nasa ganoong pwesto. Paulit-ulit din na hinahaplos ni Oliver ang aking likod para pakalmahin akong lalo.

Akala ko ay doon na nagtatapos ang lahat kaya makakahinga nang maluwag. Pero, may panibago pa pala akong dapat na paghandaan.

“And now, it’s time to know kung ano ang regalo ni Papa Weldy kay Kryz! Handa na ba kayong malaman, mga bata?!” biglang pag-anunsyo ng payaso sa masigla pa rin nitong tono.

Natigilan ako at mabilis na nabura ang pagkakangiti ko.

“Kasing ganda rin kaya ng regalo ni Marl?! Ng regalo ni Tito Michael?! O kasing special din kagaya ng kay Daddy Oliver?!” sunod pang tanong ng payaso.

“Yehey!! Game na po!! Game na! Game na!” sunod-sunod pang sigaw ng mga bata habang pumapalakpak pa.

Nagbalik ang takot sa aking dibdib at hindi ko magawang makapagbigay ng reaksyon. Nang lingunin ko si Kryz ay nakita kong maging siya ay nananabik nang malaman ang regalo ko sa kanya.

Mas maganda sa regalo ng iba? Hindi. Sa tingin ko nga ay walang halaga ang aking inihandang regalo. Hindi ito karapat-dapat na matanggap ng aking anak dahil sa tingin ko ay basura ito. Kahit pa siguro ang pinakamaliit na regalong naririto ay hindi kayang pantayan ng ginawa ko.

Puro na lang talaga ako kahihiyan. Wala na talaga akong nagawang mabuti para sa pamilyang ito. Hindi ko man lang inisip na iba sila sa nakasanayan ko. Sana pala ay naglakas-loob na lang akong manghingi ng pera kay Oliver o kaya naman ay nanghiram na lang ng pera kina Ate Aning para naman may nabili ako.

“Weldy?” biglang pagtawag sa akin ni Oliver.

Nang lingunin ko ito ay bakas na ang pag-aalala rito.

“Papa, excited na po akong makita ang gift mo!” si Kryz naman na pumapalakpak na sa mga oras na ito.

“Ako rin po, Papa! Patingin din ako!” si Marl naman na tuwang-tuwa rin.

Dahil sa gulong-gulo na ako ay napailing na lamang ako nang marahan. Dahan-dahan ay hinarap ko ang mga taong nag-aabang. Sinikap kong magbigay sa lahat ng tipid na ngiti kahit pa nahihirapan ang aking kalooban.

“S-sorry po… N-nasa kwarto po kasi kaya wala rito…” nauutal kong pagsasalita dahil sa kaba. Kasunod nito ay ibinaba ko ang aking hawak na mikropono at hinalikan ang panganay ko. “S-sorry, anak… Happy birthday…” pahabol ko pa at mabilis na umalis sa ibabaw ng entablado habang nakayuko.

Tama na. Tama nang ako lang ang mapahiya kesa madamay pa ang aking pamilya. Desidido na ako, hindi ko na ibibigay ang regalong inihanda ko. Isa lamang iyong basura na dapat ay hindi nila makita.

Narinig ko ang mga panghihinayang mula sa mga batang imbitado, maging ang mga bulungan ng matatanda ay hindi lingid sa kaalaman ko. Pero sa halip na lingunin sila ay nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad papasok ng bahay habang nakayuko.

Nasa bandang pinto na ako ng bahay nang may mahigpit na kapit sa aking braso ang nagpatigil sa paglalakad ko.

“At saan ka sa tingin mo pupunta?! Iiwan mo ang mga bisita?!” madiin na pagtatanong ni Kuya Michael at mas hinigpitan niya pa ang pagkakahawak sa aking braso.

Dahan-dahan ay inangat ko ang aking ulo hanggang sa magtagpo ang aming mga mata. Naroon pa rin ang galit niya sa akin, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ko iyon kayang salubungin.

Inangat ko rin ang aking kamay para hawakan ang kamay niyang mahigpit ang kapit sa braso ko.

“K-kuya…” nauutal kong pagtawag sa kanya na nasundan ng sunod-sunod na pagpatak ng aking mga luha.

Hindi ko na napigilan ang mapaiyak sa kanyang harap. Hindi ko gustong makita niya ang aking kahinaan ngunit wala akong nagawa.

Nasaksihan ko kung paano natigilan si Kuya Michael habang pinagmamasdan ako sa malapitan. Mabilis din na nagbago ang kanyang ekspresyon. Kung kanina ay puro galit ang kanyang pinapakita, ngayon ay nanlalaki na ang kanyang mga mata tanda ng pagkabigla.

Hindi siya nakapagsalita at naramdaman kong bahagya nang lumuwag ang pagkakahawak niya sa aking braso. Iyon na rin ang ginamit kong pagkakataon para makawala rito.

Nang tuluyan kaming magkahiwalay ni Kuya Michael ay ginamit ko na rin ang pagkakataong iyon para tumakbo. Iniwan ko silang lahat para makaakyat sa kwarto.

Pagpasok sa kwarto ay doon ko na inilabas ang lahat ng hinanakit ko. Lahat ng kakulangan ko, lahat ng katangahan, lahat ng kabobohan na mayroon ako ay idinaan ko sa pag-iyak ko.

Nagagalit ako sa aking sarili dahil sa pagiging mababaw at mangmang ko. Iniisip kong pareho lang ang kasiyahang maibibigay ko sa mga batang nasa bahay-ampunan at sa aking mga anak. Masyado akong nagtiwala sa aking sarili at hindi inisip na magkaiba ang kaligayahan ng tulad kong simpleng namuhay at ng mga mayayamang tulad nina Oliver.

Halos hindi ako makahinga nang maayos dahil sa tindi ng aking paghikbi. Hinang-hina ang aking katawan na umupo sa kama at kinuha mula sa ilalim nito ang regalong aking inihanda.

Gandang-ganda na ako sa teddy bear na ako mismo ang gumawa. Mula sa mga retaso ng tela at mga bulak na nagmula sa lumang mga unan ay nagtahi ako ng laruang inakala kong espesyal at magugustuhan ng aking anak.

Sa nakalipas na buwan ay ito ang pinagkaabalahan kong gawin tuwing naghihintay sa mga bata mula sa paglabas nila sa ekskwela. Siniguro kong hindi nila ito makikita dahil pakiramdam ko ay magiging malaki itong sorpresa. Pero mali pala. Dahil mas nakakasorpresa ang mga regalong natanggap niya kanina.

“W-wala ka namang sinabi sa mga regalo ni Kryz, eh… Ang pangit mo…” humihikbi kong pakikipag-usap sa teddy bear habang hinahaplos ito.

“Ang pangit ng gawa mo, France… Nagsayang ka lang ng oras… Pangiti-ngiti ka pa habang nagtatahi… P-para ka talagang tanga… Ang tanga mo… Ang tanga-tanga mo… Mangmang ka kasi… Akala mo… a-akala mo, pareho lang sila sa mga batang nasa bahay-ampunan na mabababaw ang kaligayahan… Tanga ka talaga… Ang tanga-tanga mo…” panunumbat ko naman sa aking sarili.

Habang hinahaplos ang laruang iyon ay napansin ko rin ang kamay kong halos punuin na ng band-aid ngayon.

“’Yan ang napapala mo… Tatanga-tanga ka kasi… May patahi-tahi ka pang nalalaman diyan..? Ang laki pa ng ginawa mo… Ano ka ngayon..? Puro ka sugat pero wala naman pinatunguhan ang ginawa mo… Tanga ka kasi, eh… Napakatanga mo talaga kahit kailan, France…” paninisi ko pa rin sa aking sarili habang pinagmamasdan ang kamay ko.

Hindi ko na kinaya pang ipagpatuloy ang aking pagsasalita. Ipinagpatuloy ko na lamang ang aking pag-iyak at inilapit sa akin ang teddy bear na aking ginawa para mayakap.

Nasisiraan na yata ako ng ulo. Iniisip ko kasing ang teddy bear na lang na ito ang makakaramay ko. Wala naman akong pamilyang masusumbungan at hindi naman ako nagkaroon no’n kahit kailan. Nariyan nga si Oliver at ang mga batang itinuturing kong anak, pero lahat sila ay hiram ko lang.

Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto na ba ako sa ganoong tagpo, pero napatigil ako sa pag-iyak dahil sa magkakasunod na katok mula sa pintuan nitong kwarto.

Mabilis kong ibinalik ang teddy bear na aking hawak sa ilalim ng kamang inuupuan ko. Kasunod nito ay pinunasan ko ang aking mga luha sa pamamagitan ng damit na suot ko. Ngayon ko lang naisip na dahil sa nangyari ay baka sinundan na ako ng aking pamilya rito.

Mukhang hindi na sila nakapaghintay pang sumagot ako sa kanilang pagkatok, dahil mayamaya pa lamang ay bumukas na rin ang pinto. Iniluwa nito ang aking mag-aama at bakas sa kanila ang pag-aalala.

Ayaw kong nakikita silang lahat na ganito. Tuwing nakikita kong malungkot sila ay nahihirapan din ako. Kaya naman kahit nahihirapan ay sinikap kong ngumiti sa mga ito.

“Oh? Bakit kayo sumunod dito? Iniwan n’yo na ang mga bisita. Baka hanapin nila kayo? Susunod na lang ako. Magcha-charge lang ako ng cellphone ko para mamaya picture-picture tayo.” pilit na pinapasigla kong boses para makalusot sa kanila.

Akala ko ay eepekto ang aking pagkukunwari ngunit mukhang nagkamali ako. Hindi nagbago ang kanilang ekspresyong nag-aalala hanggang sa dahan-dahan silang lumapit sa aking pwesto. Tumabi sa akin si Oliver at marahang hinaplos ang likod ko. Si Marl naman ay umakyat sa kama at pumwesto sa aking likod para yakapin ang leeg ko. At si Kryz, lumuhod sa aking tapat at hinawakan ang mga kamay ko.

Ito na nga ba ang sinasabi ko, sa ilang buwang pananatili ko rito kasama sila ay nakikilala na nila ako. Dahil sa kanilang pagiging maalalahanin at mapagmahal ay hindi ko na rin minsan kaya pang itago ang tunay na nararamdaman ko.

“S-sorry… P-pinahiya ko na naman kayo… Sorry sa inyo… Sorry sa katangahan ko…” paghingi ko sa kanila ng tawad at hindi ko na naman napigilang umiyak sa pagkakataong ito.

Hindi ito ang gusto kong mangyari, pero hindi ko na rin kaya pang itago. Naiinis talaga ako sa aking sarili dahil pakiramdam ko ay wala talaga akong nagagawang tama para sa pamilyang ito.

“Papa, naman…” sambit lang ni Kryz at umahon sa kanyang pagkakaluhod at niyakap na rin ako.

“S-sorry, Kryz… W-wala talaga akong maibibigay na magandang regalo para sa birthday mo… Sorry kung walang silbi si Papa, ha..? Sorry kung hindi ko kayang ibigay ang mga materyal na bagay na kayang ibigay sa ’yo ng iba… Sorry…” paulit-ulit kong paghingi ng tawad kay Kryz habang tinutugunan ang mahigpit na yakap niya.

Dahil yata sa nakikita nila sa akin ay hindi na rin napigilan ng mga bata ang makaramdam ng lungkot. Narinig ko na lamang na sinasabayan na rin nila ang pag-iyak ko.

“Papa, naman, eh… Hindi naman importante kung may gift kayo o wala… Ang mahalaga sa akin, nakakasama ka na namin… Kaya please..? ’Wag ka na pong umiyak…” pakiusap sa akin ni Kryz habang humihikbi.

“Naiinis kasi ako sa sarili ko, Kryz… Naturingan akong magulang mo pero wala akong maibigay sa ’yong espesyal… Hindi ko kasi alam na ganito ka-engrande ang party mo… Wala kasi akong alam sa mga ganito…” pagsasabi ko naman sa kanya ng totoo.

Hindi na sumagot si Kryz sa naging paliwanag ko. Nagpatuloy na lang siya sa pag-iyak na sinabayan na rin ng mas malakas na pag-iyak ni Marl na nasa likod ko. Dahil doon ay nakaramdam ako ng takot. Makakasama kay Marl ang bagay na ito kaya dapat ay mapatigil ko ito.

Kumilos ako para bahagyang bitiwan si Kryz at kunin si Marl mula sa aking likod para ikalong ito. Sinikap kong tumigil sa pag-iyak sa pagmamagitan ng malalalim na paghinga ko.

“H-halika, Marl…” paggaya ko sa kanya at ikinalong ito. “’Wag ka nang umiyak… Makakasama ’yan sa ’yo… Sige na… Tahan na…” sunod ko pang pakiusap sa kanya habang pinupunasan ng aking palad ang kanyang mga luha.

“T-tahan ka na rin kasi, Papa… Naiiyak ako ’pag nakikita kitang umiiyak, eh… Kawawa si Ate… Kawawa ako… Tahan na kasi… Malapit na rin pong umiyak si Daddy…” pakiusap ding humihikbi sa akin ni Marl habang pinupunasan din ang mga luha ko gamit ang kanyang palad.

Umiiyak pa rin ako, pero dahil sa naging reaksyon ni Marl ay natawa rin ako.

“Hindi ko lang kasi maiwasang malungkot, eh… Sorry na…” sagot ko pabalik kay Marl habang natatawa.

Maging sina Kryz at Oliver ay hindi na rin naiwasan ang matawa sa aming dalawa ni Marl. Kahit ako ay natatawa sa aking sarili dahil parang nasisiraan na ako ng bait.

Dito na rin nagkaroon ng pagkakataon na magsalita ni Oliver. Hinaplos niya pa rin ang aking likod at natatawang sinita kami ng kanyang anak.

“Nababaliw na yata ang asawa ko at ang mga anak ko, oh? Umiiyak tapos tumatawa?!” natatawa nitong pagpuna sa aming tatlo.

Pareho naman kaming napatingin ni Marl sa kanya at napanguso. Nang makita iyon nina Kryz at Oliver ay hindi na rin nila napigilang humalakhak dahil sa pagkaaliw sa amin ng bunso.

“Oh, God! Thank you for this cute family!” reaksyong natatawa ni Oliver habang hawak ang kanyang tiyan dahil sa labis na pagtawa nito.

Nagkatinginan lang naman kami ni Marl habang nakausli pa rin ang aming nguso. Nang makita namin ang hitsura ng isa’t isa ay hindi na rin namin napigilan ang matawa nang malakas. Para kaming nananalamin dahil magkamukha kaming talaga.

Dahil sa naging tagpo ay bahagyang nabawasan ang bigat ng aking pakiramdam. Ganito nila kabilis na maalis ang lungkot ko. Tuwing makikita ko silang nakangiti o tumatawa, nakakalimutan ko ang problema ko.

May ilang minuto pa naming pinagsaluhan ang masayang kaganapan. Naputol na lamang iyon nang kumilos si Kryz para bumalik sa pagkakaluhod at may kinuha sa ilalim ng kama na aming inuupuan.

Nang makita ko kung ano ang bagay na hawak ngayon ng aking panganay ay agad na nanlaki ang aking mga mata dahil sa pagkabigla. Hindi ko pala naiayos ang pagtatago ng teddy bear sa ilalim ng kama dahil sa pagkataranta ko kanina.

Sinubukan kong agawin iyon mula kay Kryz, ngunit sa halip na ibigay sa akin ang bagay na iyon ay niyakap niya ito para hindi ko maagaw mula sa kanya.

Mabilis na nanumbalik sa akin ang kaba habang pinagmamasdan si Kryz na ngayon ay nakatitig sa bagay na nasa bisig niya. Gusto kong magpaliwanag o magsalita ngunit wala akong mahanap na magandang idadahilan lalo na at nagawa ko pang makipag-agawan. Sina Oliver at Marl naman ay hindi nagsasalita at napapansin kong salitan lamang nila kaming tinitingnan ni Kryz habang may pagtataka sa kanilang mga mukha.

May ilang segundo rin si Kryz sa ganoong posisyon hanggang sa dahan-dahan niyang ibaling sa akin ang kanyang atensyon.

“Papa? Ito po ba ang gift n’yo sa akin ngayong birthday ko?” tanong ni Kryz sa akin habang ipinapakita ang teddy bear na ako mismo ang gumawa rito.

Napalunok ako dahil sa kaba. Gusto ko mang itanggi ang bagay na iyon ngunit alam kong hindi na naman sila maniniwala.

Inihahanda ko na ang aking sarili sa ano mang bagay na kanyang masasabi. Pinili ko na rin ang yumuko dahil nagsisimula na naman akong manliit sa aking sarili.

“Papa… Sumagot ka po… Ito po ba ang gift n’yo sa akin..? Ikaw rin po ba ang gumawa nito..?” tanong muli ni Kryz sa nag-aalala niyang tono.

Napangiti ako nang mapait dahil sa hiya.

“Ang pangit, ’di ba..? Kaya nga hindi ko magawang ipagmalaki kanina sa baba… Hindi ko naman kasi alam na magaganda ang matatanggap mong regalo… Hindi ko rin siya magawang ipagmalaki dahil gawa lang siya sa retaso… Sorry, Kryz, ha..? Medyo tanga kasi si Pap––”

“Thank you, Papa!! Sobrang ganda po!!” masayang pagputol ni Kryz sa akin matapos niya akong yakapin.

Nasorpresa ako dahil sa nangyari. Taliwas ang iniisip kong magiging reaksyon ni Kryz sa oras na makita niya ang teddy bear na naging basura na sa aking paningin.

“K-kryz…” tangi ko lamang nasambit.

“Papa!! Thank you!! I love you!! Tinupad mo ang promise mo noon kahit wala kang maalala ngayon!!” tuwang-tuwa pa ring papuri ni Kryz sa aking ginawa.

Pwede kong isipin na baka napipilitan lang si Kryz para hindi ako makaramdam ng lungkot, pero bumitiw rin siya sa akin makalipas ang ilang segundo at lumundag nang lumundag habang mahigpit na yakap ang teddy bear na gawa ko. Kitang-kita ko kung gaano siya kasaya sa simpleng regalo ko. Wala tuloy akong nagawa kundi ang panoorin lamang ito.

“Weldy,” biglang pagtawag sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali. “Kaya ba nagkaganito ang kamay mo? Ginawa mo ang malaking manikang ’yan kaya puro sugat ang kamay mo?” sunod pang tanong nito sa nag-aalalang tono habang hawak na ngayon ang kamay ko.

May ilang segundo akong pinalipas bago iyon sinagot. Hanggang ngayon kasi ay namamahay pa rin sa aking dibdib ang labis na lungkot. Pero dahil nandito na ito, kailangan ko na lamang harapin ito.

“’Yan lang naman ang kaya kong gawin, Daddy, eh… Wala na akong maisip na ibang paraan para mabigyan ng regalo si Kryz…” sagot kong mahina kay Oliver.

Sa pagkakataong ito ay si Oliver naman ang hindi nakaimik. Naging malungkot ang kanyang ekspresyon habang hinahaplos nang marahan ang kamay ko. Ilang segundo niya rin iyong ginawa hanggang sa ibalik niya ang kanyang tingin sa akin at ngumiti nang tipid ito.

“Thank you,” wika niya sa malambing na tono. “Salamat sa pagpapasaya kay Kryz ngayong birthday niya. Sa dami ng natanggap niyang regalo, gusto kong malaman mo na ang pinakagusto niya sa lahat ay ang binigay mo.” sunod pa nitong paliwanag sa akin.

Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Masyado akong nilamon ng panliliit sa aking sarili kanina kaya hindi ko maiwasang masorpresa sa mga sinasabi ni Oliver sa mga oras na ito.

“T-talaga..?” tanong kong naniniguro kay Oliver.

“Mmm!” sagot naman niyang tumatango at mas lumawak na ang pagkakangiti niya sa pagkakataong ito. “Bago ka pa naaksidente sa sinasakyan mong barko, nangako ka sa kanya na balang araw, magagawan mo siya ng isang bagay na pinaghirapan mo mismo. Pero hindi na nga ’yon naituloy dahil sa trahedya. Kaya ngayong tinupad mo na, sobrang saya niya.” pagpapaalala pa nito.

Natahimik ako sa sinabing iyon ni Oliver. Unti-unti na rin akong nabubuhayan dahil pakiramdam ko ay ako ang tumupad sa kahilingan ng kanilang panganay. Naiisip kong hindi naman pala basura ang ginawa ko, isa iyong bagay na naging katuparan sa isang pangako.

Nagpatuloy pa si Oliver sa pagsasalita habang hawak pa rin ang kamay ko.

“Kaya ’wag mong isipin na walang halaga ang ginawa mo, Weldy. Ang ginawa mo ang pinakaespesyal na regalong natanggap ng anak natin. Naiintindihan mo ba?” wika nito at pagtatanong sa huli.

Nang marinig ko iyon ay sumilay sa akin ang magandang ngiti. Nasundan din ito ng paulit-ulit kong pagtango bilang pag-intindi.

Mas lalo nang ngumiti si Oliver. Kasunod ng pagngiti niyang iyon ay lumapit siya sa akin para halikan ang aking noo na naging dahilan para tuluyan na akong kumalma. Hindi ko tuloy maiwasang mamangha dahil para talaga siyang may mahika. Sa mga simple niyang paliwanag at galaw ay naiiwan akong walang imik ngunit payapa.

“Salamat, Daddy. Gumaan na ang pakiramdam ko kahit paano.” nakangiti kong pasasalamat dito na tinugunan niya lamang ng pagtango.

May ilang segundo rin kaming nakatingin sa isa’t isa ni Oliver hanggang sa madako ang kanyang paningin sa batang nasa kandungan ko.

“Marl? What’s wrong? Are you okay? You look upset.” nag-aalalang tanong ni Oliver sa aming bunso na pinapanood lang ang Ate niyang isinasayaw na ngayon ang laruang ibinigay ko. Medyo nakuha ko ang ingles ni Oliver dahil suot ngayon ni Marl ang ekspresyong nalulungkot.

“Marl? What’s wrong? Are you okay? You look upset.” pag-uulit ko sa sinabi ni Oliver. Ginawa ko rin iyon para mamemorya ang linyang iyon. Baka magamit ko rin sa hinaharap sakaling mapalaban ako ng pag-i-ingles sa aking mga anak.

Dahan-dahan ay nilingon kami ni Marl. Bakas pa rin dito ang lungkot at may mga luha na namang namumuo sa mga mata nito.

“Papa… Wala po akong teddy bear..? Si Ate lang po meron..? Gusto ko rin po no’n kaso matagal pa ang birthday ko…” tanong nito sa akin habang tinuturo ang kanyang Ate Kryz.

Natigilan kami ni Oliver dahil sa aming narinig. Nagkatinginan pa kami nito at hindi namin naiwasan ang matawa makalipas ang ilang segundo.

Sinasabi ko na nga ba. Sa oras na matanggap ni Kryz ang regalo ko sa kanya, magtatanong din ang cute naming bunso. Mabuti na lang at handa ako kaya hindi na rin ako nagugulat sa mga ganitong tagpo.

“Daddy, hawakan mo muna si Marl!” natatawa kong pakisuyo kay Oliver habang binubuhat si Marl patungo sa kandungan nito.

Nang tuluyan kong maibigay si Marl kay Oliver ay kumilos na rin ako para lumuhod sa sahig at silipin ang ilalim ng kama ng inuupuan namin dito.

“Tadan!!! Siyempre, kung may malaking teddy bear si Ate Kryz, may baby teddy bear naman si bunso!!” masaya kong sigaw habang ipinapakita sa kanila ang mas maliit na laruang oso.

Nang masilayan nila iyong tatlo ay sabay-sabay na nanlaki ang kanilang mga mata dahil sa pagkasorpresa.

“Wow!!!” sabay-sabay rin nilang reaksyon habang nakatingin sa aking hawak.

Iniabot ko iyon kay Marl at hindi ko naiwasang matawa dahil mabilis niya rin iyong kinuha at agad na ikinulong sa bisig niya.

“Meron din ako, Ate!! Look!!” masayang pagbabalita ni Marl sa kanyang kapatid.

Tulad din ng inaasahan, gumuhit ang saya sa mukha ni Kryz dahil sa nakikita niyang reaksyon ng kanyang kapatid.

“May Ate Bear at may Baby Bear!! Daddy ang ganda, ’di ba?!!” reaksyon pang namamangha ni Kryz at pinagtabi ang dalawang laruang oso na ibinigay ko.

Tumango naman si Oliver at bakas din sa kanya ang labis na saya dahil sa nakikita sa mga anak niya. Kasunod nito ay dahan-dahan niya akong nilingon at bumulong ito.

“Thank you,” matamis ang ngiti niyang sambit habang diretsong nakatingin sa mga mata ko. Hindi pa iyon doon nagtapos, dahil kasunod nito ay tumayo si Oliver mula sa kanyang pagkakaupo at lumapit sa akin para yakapin ako.

“Thank you. I owe you a lot. Really, thank you.” bulong pa nito sa aking tenga.

Dahil sa aking narinig ay hindi ko naiwasan ang mapangiti. Naiintindihan ko ang pasasalamat niya kaya inangat ko rin ang aking mga kamay para gantihan ang yakap ni Oliver na mahigpit.

“Wala ’yon. Ito lang ang magagawa ko para mapasaya kayo, Daddy.” sagot ko rin sa kanya.

Kung kanina ay nilalamon ako ng pagsisisi at lungkot, ngayon ay nalulunod na ako sa saya. Nagawa kong pangitiin at pasayahin ang pamilyang kumupkop sa akin. Maswerte pa rin pala ako. Hindi pala ako dapat na manliit sa aking sarili lalo na kung sila ang kasama ko.

Nasa ganoon kaming tagpo nang makarinig kami ng mahihinang pagpalakpak mula sa pintuan nitong kwarto.

“Tapos na ba ang drama ng pamilya? Pwede na ba kayong bumaba dahil naghihintay na rin ang mga bisita?” tanong ng taong ngayon ay nakatayo mula sa pinto.

“Tito Michael!! Look!! Bigay sa amin ni Papa! Siya po mismo ang gumawa!! Ang gaganda po, ’di ba?!” masayang pagbabalita ni Kryz sa kanyang tiyuhin habang ipinapakita ang mga teddy bear.

Natigilan ako at hindi ko naiwasang mabigla. Naroon nga si Kuya Michael at mukhang kanina pa kami pinapanood.

“I know! I was here the whole time kaya nakita ko ang lahat! May Ate bear at may Baby bear na kayo!” masaya namang sagot ni Kuya Michael sa mga anak ko.

Dahil doon ay dahan-dahan kaming nagbitiw ni Oliver mula sa aming pagkakayakap at hinarap siya. Hindi naiwasang matawa ni Oliver dahil sa pagbibiro ni Kuya Michael, pero ako, nanatiling walang reaksyon sa mga oras na ito.

“Yeah. Sisihin mo itong kapatid mo at nagwalk-out na lang bigla!” natatawang sagot ni Oliver kay Kuya Michael.

Pinagmasdan kong mabuti si Kuya Michael na ngayon ay papalapit na sa aming pwesto. Suot niya ang malawak na ngiti habang nakatitig sa aking mga anak na nagpatuloy sa kanilang paglalaro.

Nang tuluyan siyang makalapit sa aming pwesto ay malawak pa rin ang kanyang pagkakangiti nang tingnan naman niya ako nang diretso. Hindi ko maiwasang mapalunok dahil nagbalik ang kaba sa dibdib ko.

Inaasahan ko nang may patutsada na naman ito kaya naghanda na rin ako. Pero, mukhang mali ako sa pagkakataong ito dahil nagulat ako nang iangat niya ang kanyang isang kamay at ipinatong iyon sa aking ulo.

“Thank you.” nakangiting sambit ni Kuya Michael habang marahang kinukusot ang aking buhok.

Hindi ko naiwasang manlaki ang aking mga mata dahil sa pagkasorpresa. Ibang-iba kasi ngayon ang kanyang ipinapakita. Ramdam ko rin ang kanyang taos-pusong pasasalamat dahil sa sinserong ngiti niya.

Pero hindi ako dapat magpalinlang. Baka isa na naman itong pagpapanggap dahil naririto ang aking pamilya. Marahil ay ayaw niyang ipakita ang tunay na kulay niya.

Nagsalubong ang aking mga kilay at sinamaan ko ng tingin si Kuya Michael.

“Alisin mo ’yang kamay mo sa ulo ko. Hindi ako aso.” paninita ko kay Kuya Michael.

Natigilan siya dahil sa ginawa ko, ngunit kasunod nito ay tumawa ito na sinundan din ng asawa ko. At sa halip na tanggalin ni Kuya Michael ang kanyang kamay sa aking ulo ay mas binilisan niya pa ang pagkusot dito.

“Ayaw ko nga! Nami-miss ko nang gawin ’to sa ’yo! Iiyak ka na ba, Weldy?! Napipikon ka na ba kay Kuya?!” pang-aasar pa nito sa akin habang tumatawa.

“Sinabi nang alisin mo, eh! Hindi ka na nakakatuwa!” reklamo ko naman sa kanya habang sapilitang inaalis ang kamay niya.

Mas lalo lang silang tumawa ni Oliver na sinabayan na rin ng mga bata. Hindi ko matukoy kung ano, pero may nagbago talaga ngayon kay Kuya Michael lalo na sa paraan ng pakikipag-usap sa akin nito.

“Pikon ka pa rin, Weldy!” kantiyaw sa akin ni Kuya Michael matapos bitiwan ang aking ulo. “Saka iyakin ka pa rin! Pangit ka na nga, lalo ka pang pumapangit ’pag umiiyak!” dugtong pa nitong pang-aalaska.

“Mas pangit ka! Nakakainis ka!” buska ko rin sa kanya. Nakakapikon talaga siya. Parang may saltik. Paiba-iba ng ugali. Baliw.

Sa halip na mainis ay lalo pa silang tumawa. Naaaliw dahil sa asaran naming magkapatid.

“Tama na nga ’yan!” pag-awat na sa amin ni Oliver habang natatawa pa rin. “Tara na! Balikan na lang natin ang mga bisita!” sunod pa nitong pagyaya.

Wala naman ang nagpakita ng pagtutol sa amin. Kumilos na rin ang mga bata at naghanda sa aming paglabas dito sa kwarto habang bitbit ang mga laruang ibinigay ko.

Nagpatuloy pa sa pang-aasar sa akin si Kuya Michael habang naglalakad kami. Patuloy naman akong napipikon sa kanya kaya naging taga-awat namin ni Oliver. Ang mga bata naman ay tuwang-tuwa sa kanilang nakikita.

Hindi ko talaga maipaliwanag, pero sa kabila ng pang-aasar sa akin ngayon ni Kuya Michael ay naging napakagaan ng aking pakiramdam. Hindi ko na rin makita ang inis o galit sa kanyang mga mata tulad noon tuwing tumitingin siya sa akin. Wala na roon ang mabibigat at makahulugan niyang tingin dahil napalitan na ito ng pagliliwanag ng kanyang paningin.

Ganito rin kaya sila noon ni Weldy na tunay niyang kapatid? Kung ganito nga sila at ganito rin matuwa sina Oliver at ang mga bata na pinapanood sila, masasabi kong napakaswerte talaga ni Weldy. Napapaligiran siya ng mga taong mapagmahal at malawak ang pang-unawa.

Kung patuloy na magiging magaan at ganito kasaya ang lahat sa bawat araw ng pananatili ko rito, sana ay dito na lang ako.

Masama man hilingin, ngunit sana, sana ay maging akin na lang ang pamilyang ito.


A/N

This chapter is for

TheAshtone_11

. Thanks for the support, dear. ❤

I hope kahit paano ay nag-enjoy kayo sa chapter na ito. Isang magaang eksena muna bago ang inaabangang mga tagpo.

Salamat po ng marami sa mga patuloy na nagbabasa lalo na sa mga hindi nagsasawang magbigay ng boto at komento.

Love lots,

–– cold_deee ❤

04.09.2018

Chapter 14

A/N:

Pwede n’yo pong i-play ang nasa media while reading the whole chapter.

Song title: Terrified - By: Katharine McPhee

©tto of the video.

  ![](https://img.wattpad.com/816122dffbe8a559407ba8d32c2b2bfd51d220d5/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f386c4939796763714a67375243773d3d2d3438353336333631322e313532363466623238323233326630633739383334383337323933372e6a7067)

FRANCE POV

Namumuo na ang pawis ko kahit pa napakalamig dito sa aming sala. Seryoso ang aking ekspresyon habang sina Kryz at Marl naman ay natatawa habang nakatingin sa akin.

“Ano na, Kuya Weldy? Ikaw na! Ilapag mo na ang word na nabuo mo!” mapanghamong pakikipag-usap sa akin ni Ate Aning habang kalong niya si Marl.

“Tsk! ’Wag kang magulo! Nag-iisip pa ako rito, eh!” kunwari ay naiinis kong buska sa kanya.

Katatapos lang namin maghapunan ng mga bata at naisipan naming maglaro ng tinatawag nilang scrabble. Ang akala ko ay laro ito na ginagamitan ng lakas kaya nagyabang pa ako kanina sa kanila. Sinabi kong kayang-kaya kong laruin ito kahit magkampihan pa sila. Hindi ko naman akalaing gagamitan pala ito ng utak. Kaya heto, si Kryz ay kakampi si Ate Loca, si Marl naman ay kakampi si Ate Aning habang ako ay nag-iisa.

Sa dami naman kasi ng pwedeng laruin, bakit ito pa? Ang nakakainis pa, kailangang ingles ang hahanapin naming salita. Isa rin akong timang, nagyabang pa ako na kaya kong mag-isa. Kaya ngayon, heto ako at nangangamote na.

Siguro ay may ilang minuto rin nila akong hinintay para ibigay ang salita na aking nakita sa mga hawak kong maliliit na kahoy at may mga nakaukit na letra. Nang makita ko ang salitang pinag-isipan ko nang mahabang minuto ay gumuhit ang malapad na ngisi sa aking mukha.

“’Yan! Hah! Akala n’yo siguro maghihintay kayo ng poreber, ’no?! Ang dali-dali naman nito!” pagyayabang ko pa rin habang inilalapag ang mga letra sa tabla na maraming naka-imprenta.

Lahat sila ay napatingin sa mga letrang inilapag ko. Saglit nilang binasa iyon at natawa na naman sila tulad noong mga unang beses na sumagot ako.

“Papa, naman, eh! Kanina, ‘cow’ ! Tapos ‘cat’ ! Tapos naging ‘rat’ ! Ngayon naman po, ‘dog’ ?! Puro po animals ’yan, eh! Wala na po bang iba?!” natatawang pagpuna sa akin ni Kryz.

“Oo nga, Kuya Weldy! Puro kahayupan na lang ba?! Maglagay ka naman kahit medyo malaswa!” si Ate Loca naman na galak na galak din.

“Uhm! Bunganga mo! May mga bata!” pagsaway ni Ate Aning sa kanya matapos ang mahinang pagsabunot niya.

Wala naman nagawa si Ate Loca kundi ang hawakan ang kanyang ulo na nakatanggap ng sabunot habang nakasimangot.

“Aba, bakit?! Ingles naman ang dog, ah?! Pwede na ’yon!” mabilis na depensa ko naman sa kanila.

Lalo naman silang natawa sa akin. Akmang lalapit pa sana sa akin ang natatawa ring si Marl para halikan ako ngunit pinigilan ko ito.

“Oooppss! Baka makita mo ang mga letra ko! Dadayain mo pa ako!” pagpigil ko kay Marl. Kasunod nito ay ako na ang kumilos para lapitan siya hanggang sa pisilin niya ang magkabila kong pisngi at halikan ang dulo ng aking ilong.

“Ang cute-cute talaga ng Papa ko!!” natatawang pagpuna sa akin ng aming bunso.

Kanina pa siya cute na cute sa akin tuwing naglalapag ako ng sagot sa aming nilalaro. Tuwang-tuwa siya dahil sa pagyayabang ko kahit pa napakadali ng naisasagot ko.

Magpapatuloy na sana kami sa aming paglalaro nang makarinig kami ng malakas na boses mula sa pinto.

“I’m home!” sigaw nito.

Nang lingunin namin ang taong bagong pasok ay sabay-sabay kaming napangiti ng mga bata.

“Daddy!!” sabay-sabay pa naming sigaw. Kasunod nito ay magkakasabay rin kaming tumayo mula sa pagkakaupo at tumakbo sa kanyang kinatatayuan.

Malawak ang ngiti ni Oliver na sinalubong kami. Yumuko na rin siya para salubungin ng yakap ang mga anak niya. Naunang humalik si Kryz sa kanyang pisngi na sinundan naman ni Marl bilang kanilang pagbati. May ilang segundo rin silang magkakayakap hanggang sa umahon naman si Oliver at mabilis na hinalikan ang aking labi.

“Nagdinner na kayo?” tanong agad na nakangiti ni Oliver sa akin matapos ang aming halik.

“Tapos na. Gusto mo bang kumain? Ipaghahanda kita.” nakangiti ko namang mungkahi sa kanya.

“Hindi na. May pa-dinner din kanina ang kuya mo kasama ang ibang doctors sa ospital.” pagtanggi naman nito sa akin.

Tanging marahang pagtango lang naman ang aking naisagot sa kanya bilang pag-intindi.

Nasa ganoon pa rin kaming tagpo nang si Ate Aning naman ang lumapit kay Oliver.

“Oy, oy, oy! Saan ka pupunta?!” mabilis kong pagpigil kay Ate Aning kasabay ng bahagya kong pagtulak sa balikat niya.

Gumuhit ang pagtataka sa kanya ganoon din kay Ate Loca na nasa likod lang niya. Ilang segundo lang iyon hanggang sa itaas din nila ang kanilang isang kilay habang nakasimangot pa sila.

“Kuya Weldy, relax! Kukunin lang namin ang mga gamit ni Kuya Oliver!” depensa si Ate Aning sa akin habang tinuturo ang mga gamit na bitbit ni Oliver.

“Kung makapigil ka naman, Kuya Weldy! Ano namang akala mo? Makikihalik din kami kay Kiya Oliver?! Nakikikamag-anak lang, ganern?!” segunda naman ni Ate Loca.

Natahimik ako sa kanilang mga sinabi. Napahiya ako roon. Ang akala ko talaga ay hahalikan din nila si Daddy. Nakaramdam din ako ng inis nang maisip kong iyon nga ang mangyayari.

“Okay na, Kuya Weldy? Pwede na ba naming kuhanin ang mga gamit at pasalubong sa ’yong doughnut ni Kuya Oliver?” may pagkasarkastikong pagpapaalam sa akin ni Ate Aning makalipas ang ilang sandali.

Dahil sa pagkapahiya ay hindi na ako nakapagsalita. Ang tanging nagawa ko lamang ay tumango nang marahan sa kanila.

“Salamat. Pakiiwan n’yo na lang ang doughnut diyan sa center table para makain na rin natin.” natatawang utos ni Oliver kina Ate Aning habang iniaabot ang mga hawak nito.

Nang makaalis sina Ate Aning ay natatawa pa rin akong inakbayan ni Oliver. Ang mga bata naman ay natatawa ring nagbalik sa kani-kanilang pwesto kanina sa sofa noong kami ay naglalaro.

“Stop frowning, Weldy! Nagpanic ka naman agad kasi!” natatawang pagpuna nito sa akin at marahan pa akong pinisil sa isang pisngi.

Huminga ako nang malalim para pakalmahin ang aking sarili. Pinili ko na rin ang hindi magkomento sa sinabi ni Oliver dahil hindi ko naintindihan ang ‘frowning’.

“Nasaan ang kotse mo, Daddy? Bakit parang hindi ko narinig na pumasok ng gate? Saka bakit ang aga mo? Sabi mo kasi kanina sa cellphone, baka gabihin ka, ’di ba?” pag-iiba ko ng usapan.

Sinimulan na rin ni Oliver ang maglakad patungo sa pwesto ng aming mga anak kaya nagpadala na rin ako dahil nanatili ang pagkakaakbay nito sa balikat ko.

“Sinadya kong iwan muna sa labas ang kotse para sorpresahin kayo dahil maaga akong nakauwi.” una niyang sagot sa akin habang nakangiti. “At ang dahilan naman kung bakit maaga akong nakauwi, nakalabas na kasi ang paseyenteng mino-monitor ko. Isa rin ’yon sa reason kung bakit nagpadinner ang Kuya mo. Matagal na naming pasyente ’yon dahil sa rare case niya. Naging successful ang lahat pati ang operation niya kaya nga masaya kami lahat sa hospital.” mahaba pa nitong dugtong.

“Aahhh…” sagot ko lang habang tumatango. Hindi ko naman maiintindihan kahit ilang beses niya pang ipaliwanag dahil wala naman akong alam sa medisina.

Lumipas na nga ang ilan pang buwan at ganito na ang mga naging pagbabago. Nakasanayan ko na ang ganitong senaryo tulad ng paghalik sa akin ni Oliver sa labi kaya hindi na ako nabibigla tuwing nangyayari ito. Tuwing papasok siya sa trabaho, tuwing darating siya, at tuwing matutulog na kaming dalawa.

Nakakasanayan ko na iyon ngunit simula pa noon, ang hindi lamang nawawala ay ang kakaibang pakiramdam na parang hinahalukay ang aking sikmura at parang naiihi ako tuwing hinahalikan niya ako. At sa nakalipas nga na mga buwan, nakumpirma kong kinikilig lang pala ako tuwing nangyayari ito. Crush na crush ko na talaga ang asawa ko.

Nakarating kami ni Oliver sa pwesto kung saan kami naglalaro kanina ng mga bata. Naroon na rin sina Kryz at Marl na mukhang binibilang ang resulta kung kaninong puntos na ba ang nakakalamang.

Umupo si Oliver sa isang sofa kung saan din ako nakapwesto kanina. Saglit ko rin silang iniwan para kunin ang tsinelas ni Oliver na malapit lang din naman dito sa aming pwesto.

“Daddy! Join ka po, dali!” nadinig kong pagyaya ni Kryz sa kanyang ama.

“Yes, Daddy! Kakampi ko po si Ate Aning! Si Ate Kryz naman po, kakampi si Ate Loca! Ikaw naman po kay Papa, ha?!” nadinig ko namang mungkahi ni Marl.

“Really?! Sinong highest score?! Baka pinapahirapan n’yo ang Papa n’yo, ha?” masaya namang tanong ni Oliver sa dalawa.

“Ako ang highest, Daddy!” masayang pagbabalita ni Kryz.

“Hindi po namin pinapahirapan si Papa, Daddy! Promise po!” si Marl naman na alam kong ngayon ay nakanguso.

“Lemme see the score sheet?!” si Oliver pa rin na hindi ako sigurado kung nagtatanong.

Nang makuha ko ang tsinelas ni Oliver ay agad ko rin silang binalikan. Bahagya akong lumuhod sa tapat ni Oliver at inilagay roon ang kanyang tsinelas.

“Daddy, magpalit ka muna.” utos ko kay Oliver. Ako na rin ang tumulong sa paghuhubad niya ng kanyang sapatos dahil abala pa rin siya sa pakikipag-usap sa mga bata.

“Thank you, Weldy.” bulong niya sa akin at hinalikan ako sa ulo. “Wow! Hahabulin namin ang score n’yo! May kakampi na ang Papa n’yo dahil dumating ako!” pagbaling naman nito sa kanyang mga anak.

Hindi ko naiwasan ang matawa sa kanilang pag-uusap habang ibinabalik ko ang sapatos ni Oliver sa lagayan nito. Ang cute nilang mag-aama tuwing nagkakatuwaan sila tulad nito. Nakakahanga rin si Oliver dahil kahit abala siya sa pagtatrabaho, nagagawa niya pa ring bigyan kami ng oras para makipagsaya.

“Ate Aning! Ate Loca! Game na po! May kakampi na si Papa!” masayang pagyaya ni Marl sa dalawang kasambahay na halos kasabay kong bumalik sa pwesto nina Oliver at ng mga anak ko.

“Ay, buti naman! Baka sakaling mag-improve ang sagot ni Kuya Weldy at maging ‘bird’ naman!” pilyang sagot naman ni Ate Loca na ikinatawa nilang lahat.

Mabuti na lang at hindi na ako napipikon sa mga pagbibiro nilang tulad nito. Sa ilang buwan din kasi na kasama ko sila, marami-rami na rin akong natutunang ibang salita. Naging matiyaga sila sa pagtuturo sa akin ng mga bagay na hindi ko pa alam. Ang sabi nga nila, magsimula raw kami sa mga ‘basic’ na salita.

Nagbalik sina Ate Loca at Ate Aning sa pagkandong sa aming mga anak. Ako naman ay tumayo na lamang sa tabi ni Oliver dahil pang-isahang tao lang ang maaaring magkasya sa sofa na inuupuan niya.

“Dito ka na, Weldy, para mas madali mong makikita ang words!” masayang pagyaya sa akin ni Oliver at hinila na rin ang aking kamay. Hindi ko na rin nagawa pang magsalita dahil kasunod nito ay pinaupo na rin niya ako sa kanyang kandungan at niyakap ang aking bewang.

Sa hindi ko malamang dahilan ay hindi ko rin nagawang tumanggi tulad ng dati. At hindi ko man aminin sa aking sarili, nagugustuhan ko na rin habang tumatagal ang ganitong paglalambing sa akin ni Oliver.

“Ayyiiee~~~” sabay-sabay na kantiyaw ng apat sa aming harapan.

Hindi ako nakapagsalita dahil sa pinaghalong hiya at pagkabigla. Nahihiya ako dahil nasa harap namin ang mga bata ganoon din sina Ate Aning at Ate Loca.

Hindi ko rin maiwasang humanga kay Oliver dahil kahit maghapon ito sa kanyang trabaho, uuwi pa rin itong napakabango. Parang lagi siyang bagong ligo.

“Emeged, Aning! Kenekeleg eke!!” tili ni Ate Loca at inabot ang buhok ni Ate Aning para lang masabunutan ito kahit pa bahagyang malayo ang kanilang pwesto.

“Aray, aray, aray!” pagdaing lang ni Ate Aning habang inaawat ang kamay ni Ate Loca na mahigpit pa rin ang kapit sa buhok niya.

Dahil sa eksena nilang dalawa ay hindi namin napigilan ang matawa. Alam kong gustong gumanti ni Ate Aning ngunit wala lang itong magawa dahil kalong niya rin si Marl.

Nasanay na rin kami sa ganitong bangayan nila. Sila ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng buhay ang tahanang ito. Napakaswerte rin namin dahil tapat sila sa amin bilang kanilang mga amo.

“Oh, tama na ’yan, ha? Baka mauwi kayo sa pikunan niyan? Simulan na natin ang laro. Hahabol kami ni Weldy!” natatawang pag-awat ni Oliver sa aming mga kasambahay makalipas ang ilang sandali.

Kung ikukumpara kanina, hindi na ako ngayon masyadong ganado na ipagpatuloy ang paglalaro. Nawala na ang interes kong ipagpatuloy ito kahit pa nandito na si Oliver para tulungan ako.

Naging sunod-sunod na ang aking paglunok habang pinagmamasdan ang isang karton na nasa mesa rito. Nakaramdam na rin ako ng pananabik na mabuksan iyon at kunin ang tatlong piraso.

Naging abala silang lahat sa pagpapatuloy ng aming laro, pero ako, hindi ko na natiis ang pangyayari kaya mas lalo na akong lumapit kay Oliver para bulungan ito.

“Daddy,” pagtawag ko sa kanya habang nasa tapat ng kanyang tenga ang bibig ko.

Nilingon naman ako ni Oliver kaya halos ilang pulgada na lamang ang layo ng aming mga mukha. Ang gwapo talaga niya.

“Hhmm?” tanong niya sa akin na medyo nagtataka.

Naikagat ko muna ang ibaba kong labi dahil sa hiya. Pero dahil sa pagkasabik sa isang bagay ay naglakas-loob na rin akong magsalita.

“Pahingi ako ng doughnut. Buksan na natin ang karton, pwede?” may alanganin kong ngiti na pagpapaalam sa kanya.

Nang marinig iyon ni Oliver ay mabilis siyang natawa. Dahil doon ay napakamot ako ng batok at lalo akong nakaramdam ng hiya.

“Bakit kailangan mo pang magpaalam diyan?! Kaya nga ako bumili niyan dahil alam kong paborito mo ’yan! Kumuha ka na dahil para talaga sa ’yo ’yan!” natatawa nitong tanong at pagpapaintindi sa akin.

Dahil doon ay mabilis na nagbago ang aking ekspresyon. Nanlaki ang aking mga mata at naibuka ko pa ang aking bibig dahil sa tuwa.

“Talaga?!” paniniguro ko sa kanya.

Mas lumakas ang tawa ni Oliver kaya nasagot na lamang niya ako ng mga pagtango.

“Iihhh!! Salamat, Daddy!!” tuwang-tuwa kong reaksyon at hindi ko pa naiwasang pumalakpak.

Matapos iyon ay mabilis akong kumilos para sana buksan ang karton. Malapit ko na sanang maabot ang pinapangarap kong doughnut ngunit napigilan ako ng kamay ng taong kalong pa rin ako hanggang ngayon.

“Weldy, ako na lang! Humawak ka ng sapatos ko kaya madumi ’yang kamay mo! Ituro mo na lang sa akin kung anong flavor ang gusto mo!” pagpigil sa akin ni Oliver habang hawak niya ang isang kamay ko.

Gusto ko sanang tumutol dahil hindi naman nakakamatay ang bagay na iyon pero hindi ko na nagawa pa. Kasunod kasi ng sinabing iyon ni Oliver ay binuksan na niya agad ang karton at inilapit sa akin para makapili na ako ng gusto kong kainin.

“Alin dito?” tanong niya sa aking nakangiti.

Dahil sa takam na takam na talaga ako sa doughnut ay mabilis ko na rin siyang sinagot.

“Ito muna, Daddy! Tapos mamaya ito naman! Tapos ito, ha?” sunod-sunod kong pagturo sa mga doughnut na nagustuhan ko.

Muling ibinalik ni Oliver ang karton sa mesa at kinuha ang unang doughnut na napili ko.

“Oh, kain ka na.” utos niya sa akin habang nakatapat ang doughnut na kanyang hawak sa bibig ko.

Wala nang pagdadalawang-isip pa, agad kong kinagat ang doughnut na pinapakain sa akin ng aking asawa.

Nawawala talaga ako sa aking sarili tuwing may doughnut na nakahanda. Nakakalimutan kong mayroon pa pala kami ritong kasama na pinapanood kami at hindi naiwasan ang matawa.

Patay-gutom na kung patay-gutom, basta doughnut, wala na sa aking makakapigil pa.

“Oh, game na! Sino na bang maglalagay ng sagot?! Turn na ba namin ni Weldy?” tanong agad ni Oliver sa aming mga kalaban na hanggang ngayon ay natutuwa sa eksena naming mag-asawa.

“Kayo na po, Daddy! Palitan mo po itong ‘dog’ na sagot niya!” natatawa pa ring sagot sa amin ni Kryz at ibinalik ang mga letrang inilapag ko kanina.

Ganoon na nga ang nangyari, nagpatuloy kami sa paglalaro ng scrabble. Tinuturuan ako ni Oliver kung ano ang mga salitang pwedeng mabuo gamit ang mga letrang nabunot ko. Nasa kandungan niya pa rin ako habang patuloy na sinusubuan ng doughnut ang bibig ko.

“Forty one plus six, equals forty seven.” pagbasa ko sa puntos namin ni Oliver. Ako na ang nagpresentang magbilang ng aming mga puntos dahil baka dayain ako nina Ate Aning. “Woah! Daddy, lamang na tayo!!” tuwang-tuwa ko nang pagbabalita sa aking asawa matapos kong makita ang resulta.

Nagtawanan naman silang lahat lalo na aking mga anak. Mukhang tanggap naman nila na mas naunahan ko na sila at ako na ang mananalo. Pakiramdam ko tuloy ay ang galing-galing ko na sa ingles.

“Iiihhh! Ang galing ko talaga…” mahina ko pang sambit habang nakatitig sa papel kung saan nakasulat ang aming mga puntos.

Kasunod ng aking nag-uumapaw na pagkamangha ay isinubo at sinipsip ko ang isang daliri ni Oliver dahil sa mga natitirang palaman ng doughnut na kumapit dito. Sayang kasi kaya sinimot ko na rin ito.

Hindi ko alam kung ano ang nakakatawa, pero matapos ang kaganapang iyon ay umalingawngaw ang tawa ni Oliver sa buong bahay. Nakaupo pa rin ako sa kanyang kandungan kaya umalog-alog ang aking katawan.

“Anong nangyayari sa ’yo, Daddy?” nagtataka kong tanong sa kanya at isinubo na naman ang daliri niya. Sayang talaga ang palaman.

Sa halip na sagutin ako agad ni Oliver ay mas lalo pa siyang namilipit sa katatawa. Mas napahigpit din ang kanyang pagyakap sa aking bewang at itinago na niya ang kanyang mukha sa aking likod habang patuloy sa kanyang pagtawa.

“Stop it, Weldy!! You’re turning me on!!” bulong niyang tumatawa mula sa aking likod.

Ngayon ko napag-isip-isip ang nangyayari. Siguro ay hindi niya gusto ang aking ginagawa kaya mabilis din akong kumilos para ibigay ang papel na naglalaman ng aming puntos kina Ate Loca na tumitili na rin ngayon sa hindi ko malamang dahilan.

“Ate Loca, stop na raw sabi ni Daddy! Ayaw niyang ako ang nagbibilang ng puntos! Kayo na lang ang magbilang pero ’wag n’yo kaming dayain, ha?! Marunong ako sa Math! Sa Ingles lang talaga hindi!” utos ko kina Ate Loca. Kasunod din nito ay muli kong sinipsip ang isa pang daliri ni Oliver na may palaman pa rin ng doughnut.

Hindi ko alam kung ano ba ang nakakatawa, pero kahit ang mga bata ay tawa na rin nang tawa habang nakatingin sa amin ng ama nila.

“Game na! Tawa pa nang tawa, eh! Natatalo na nga namin kayo tapos tuwang-tuwa pa kayo!” nakasimangot kong pag-awat sa apat naming kalaban ni Oliver. “Daddy, kuha ka pa nga ng doughnut! Pahingi pa ako!” sunod ko namang utos kay Oliver.

Natatawa pa rin hanggang ngayon si Oliver nang sagutin niya ako.

“Nakakatatlo ka na, ah?! Nakukulangan ka pa?!” tanong niya sa akin.

“Sige na kasi! Ang sarap, eh!” pakikipagtalo ko naman sa kanya.

“Fine! Fine! Ubusin mo lahat ’to, ha?!” pagsuko na lang niya sa akin at muli na naman siyang kumuha ng doughnut para isubo sa akin.

Tanging pagtango lang ang aking naisagot sa kanya habang may malapad na ngiti sa aking mukha. Masyadong madali ang pinapagawa niyang iyon. Kaya ko nga ubusin ang isang karton!

Nagpatuloy ang kasiyahan naming anim. Ako ang naging napakaingay lalo na kung may naisasagot kami ni Oliver ng mahabang salita. Mabuti na lang pala at dumating siya, dahil kung hindi, baka nangangamote na naman ako dahil magagaling ang mga anak ko.

“Dito ka, Weldy.” utos sa akin ni Oliver habang maongat na iginagaya ang aking ulo para makahiga sa kanyang braso.

Natapos ang masayang gabi naming mag-anak. Ngayon ay oras na para kami ay magpahinga kaya naririto na kami ni Oliver sa aming kwarto para matulog. Iniwan na rin namin ang aming mga anak sa kanilang kwarto matapos ang pagbabasa ko sa kanila ng kwento. Nakakatuwa rin na hindi nakakatulog ang aming mga anak kung hindi nila yakap ang teddy bear na ginawa ko noong kaarawan ni Kryz.

Nakahiga na kaming pareho sa kama at kumilos ako para harapin si Oliver. Parehong nakatagilid ang aming pwesto kaya magkatapat din kami nito.

“Baka mangawit ka, Daddy? Mabigat ang ulo ko kahit walang laman.” pag-aalala ko na sundin ang kanyang kautusan.

Mula sa pagngiti ni Oliver ay mabilis siyang napasimangot dahil sa aking sinabi.

“Tigilan mo nga ang pagsasalita ng ganyan. Nawala lang ang memory mo, okay? O kahit hindi, ’wag mong sasabihin na walang laman ’yang ulo mo. Naiinis ako ’pag nanliliit ka sa sarili mo.” pangaral nito sa akin.

Dahil sa nakita kong pagmamaktol ni Oliver ay hindi ko naiwasan ang matawa. Nagiging cute siya sa paningin ko tuwing ganito siya.

“Ayyiiiee~ Joke lang, Daddy! ’Wag ka nang sumimangot diyan!” pagbawi ko habang sinusundot ng aking daliri ang kanyang tagiliran.

“Wala akong kiliti diyan, Weldy, kaya itigil mo na ’yan!” pag-awat naman nito sa akin.

Sus! Wala raw kiliti pero panay ang awat sa kamay ko. Lumiliyad pa nga siya at pinipigilan ang tumawa.

“Iihhh!! Talaga ba, Daddy?! Wala kang kiliti?!” pang-aasar ko pang lalo habang paulit-ulit pa ring sinusundot ang bewang nito.

Dahil sa patuloy kong pangingiliti sa kanya ay hindi na niya napigilan ang tumawa. Hinawakan na rin niya nang mahigpit ang aking kamay para maawat ako sa aking ginagawa.

“Oo na! Oo na! Ang kulit mo talaga!” natatawa niyang pagsuko na ikinatawa ko rin. “Pasalamat ka lang talaga at cute ka!!” gigil na gigil niya pang dugtong at pinisil ang aking isang pisngi.

“Ah!! Ayay, Daddy! Machakit!!” kunwari ay pagrereklamo ko habang inaawat ang kamay nitong nasa pisngi ko. Naging dahilan tuloy iyon para lalong matawa pa ito.

Hinayaan ko lang na panggigilan ako ni Oliver. Patuloy siyang tumatawa habang nakikita ang aking reaksyon na tila iniinda ang sakit ng kurot niya. Ang sarap talaga niyang pagmasdan tuwing nakikita ko siyang masaya tulad nito. Tuwing nabibigyan ko siya ng dahilan para tumawa, pakiramdam ko ay nakakabawi ako sa mga atraso ko sa kanya.

Makalipas ang ilan pang sandali ay kumalma na siya. Ang kanina niyang kamay na ginamit na pangkurot sa akin ay nakapatong sa lamang sa aking pisngi at marahang hinahaplos ito. Suot pa rin ni Oliver ang maganda niyang ngiti at pinagmamasdan na ngayon ang mukha ko. Walang nagsasalita sa amin at tanging pagtitig lamang sa isa’t isa ang aming nagawa.

Hindi na ako nagkakaroon ng takot ngayon na makipagtitigan sa kanya. Wala na akong inaalala na baka may mapansin siyang pagkakaiba namin ng tunay niyang asawa. Maraming beses na kaming nagkalapit, maraming beses na naming nayakap ang isa’t isa at ilang beses na niya akong nabigyan ng halik. Pero sa ilang beses na iyon, kahit minsan ay hindi siya nagkaroon ng pagdududa kaya naging kampante na rin ako at nawala na nang tuluyan ang aking pag-aalala.

“Weldy,” pagtawag niya sa akin makalipas ang ilang sandali. Patuloy pa rin niyang hinahaplos gamit ang kanyang daliri ang aking pisngi.

“Daddy,” pagtawag ko rin sa kanyang malambing habang tuwid ako sa kanyang nakatingin.

“Weldy,”

“Daddy,”

“Weldy,”

“Daddy,”

“Weldy,”

“Daddy,”

“Weldy,”

“Daddy,”

Matapos ang paulit-ulit naming pagtawag sa isa’t isa ay pareho rin kaming natawa.

“Para kang baliw, Daddy!” reaksyon kong natatawa.

“Ang cute mo kasi!” reaksyon niya naman at niyakap na lang ako bigla. Naging dahilan tuloy iyon para bahagya akong pumaibabaw sa kanya.

Sa mga ganitong sitwasyon, hindi na ako nakakaramdam ng pagkailang. Nagiging normal na ito sa akin dahil madalas naman niya itong gawin. Kung may hindi man nagbabago sa aking nararamdaman, iyon ay ang hindi ko mapigilan ang mabilis na pagtibok ng aking puso tuwing nasa bisig ko rin siya.

May ilang segundo pa kaming tumatawa ni Oliver habang nasa ibabaw niya pa rin ako at mahigpit ang yakap sa katawan ko. Nang bahagya kaming kumalma ay inangat ko ang aking mukha para magtagpo ang aming mga mata.

“Ganito na lang kaya tayo matulog? Dito ka na lang matulog sa dibdib ko.” tanong niya sa akin habang malawak ang pagkakangiti nito.

“Mabigat ako, Daddy. Baka hindi ka makahinga?” tanong ko naman pabalik sa kanya.

Nag-aalala ako, pero sa totoo lang, may kung ano sa aking sarili na nagsasabing gusto ko rin subukan ang mungkahi niyang matulog ako sa kanyang dibdib.

Sa halip na sagutin agad ako ay inalis niya muna ang kanyang mga brasong nakapalibot sa katawan ko. Inangat niya ang kanyang mga kamay at inilagay iyon sa magkabilang pisngi ko. Nagpaubaya na lamang ako hanggang sa marahan niyang pinalapit ang aking mukha sa kanya hanggang sa halikan niya ang dulo ng ilong ko. Wala naman akong naging reaksyon kundi ang mapapikit dahil parang naiihi na naman ako.

Matapos ang tagpong iyon ay muli niya akong tinitigan habang ilang pulgada na lamang ang layo ng mukha namin sa isa’t isa. Nagliliwanag ang kanyang mga mata dahil sa malamlam na ilaw na malapit dito sa aming kama.

“May tanong ako, Weldy.” sambit niya makalipas ang ilang sandali.

“Ano ’yon, Daddy? Sasagutin ko basta ’wang lang ingles.” tanong ko naman sa kanya pabalik.

Natawa muna siya nang bahagya saka muling nagsalita.

“Hindi! Iba ang itatanong ko!” depensa naman nito.

Medyo nakahinga naman ako nang maluwag sa naging pagsagot nito.

“Sige, Daddy. Itanong mo na, bilis!” utos ko na sa kanyang nagmamadali.

Muli siyang natawa dahil sa pagkaaliw sa akin. Hinintay ko rin muna siyang kumalma hanggang sa muli siyang magsalita habang diretsong nakatingin sa aking mga mata.

“Anong nararamdaman mo tuwing hinahalikan kita?” bigla niyang tanong na hindi ko napaghandaaan.

Natahimik akong saglit para makapag-isip. Nararamdaman? Paano ko ba sa kanya ipapaliwanag iyon?

“Mmm… Hindi ko maipaliwanag, Daddy, eh…” mahina kong sagot sa kanya.

Gumuhit naman ang pagtataka sa kanya.

“Bakit naman?” tanong niya sa akin.

Bigla akong napangiti nang marinig ko ang katanungan niyang iyon.

“Hindi ko maipaliwanag ngayon kaya kung pwede sana, pahingi ng isa?” malambing kong mungkahi sa kanya.

Dahil sa aking sinabi ay muli na naman siyang natawa. Pinanood ko lamang siya habang may ngiti sa aking mukha. Ang sarap talagang makita na ganito siya kasaya. Naging komportable na rin akong makipag-usap tulad nito sa kanya. Wala na akong hiya, wala nang pag-aalinlangan at wala nang pagdadalawang-isip sa mga binibitiwan kong salita.

“Go ahead, Weldy. Pa-kiss nga sa asawa ko?” nakangiti na rin niyang pagsang-ayon matapos ang nakakahalinang pagtawa nito.

Nang marinig ko iyon ay mabilis na rin akong kumilos para umangat at gawin ang utos niya. Bahagya akong gumapang sa kanyang katawan upang maabot ang labi niya. Mabilis lang ang ginawa kong paghalik ngunit napapikit pa rin kaming dalawa.

“Ano? May naramdaman ka ba?” tanong niya matapos magbitiw ang labi naming dalawa.

Umiling ako nang maraming beses habang nakangiti.

“Wala pa rin akong naramdaman kaya pwedeng isa pa?” sagot at muling mungkahi ko sa kanya.

Hindi ko na hinintay ang makapagsalita pa siya. Agad ko rin siyang hinalikan nang madiin at muli ay napapikit kaming dalawa.

“Meron na ba?” tanong niyang muli nang magbitiw ang aming mga labi.

Tulad kanina ay umiling ako nang paulit-ulit bilang pagtanggi. Kasinungalingan ang sagot kong paghindi, dahil ang totoo ay naririto na naman ang mabilis na pagtibok ng aking puso na tila nakakabingi.

“Hindi kasi dapat gano’n, Weldy.” wika niya at inilagay ang isa niyang palad sa likod ng aking ulo. “Ganito ’yon.” dugtong niya pa at marahan niyang pinalapit muli ang aking mukha sa kanya upang magtagpo ang mga labi naming dalawa.

Nang magkadikit muli ang aming mga labi ay pareho rin kaming napapakit. Sa mga nauna naming mga halik ay tanging pagdampi lamang ang aming nagagawa, ngunit sa pagkakataong ito ay may nagbago na sa paraan ng paghalik niya.

Kapareho na ito noong unang beses na matanggap ko ang halik mula sa kanya, noong lasing siya. Marahan at banayad ito na ramdam ko ang pag-iingat. Nagliliwanag na naman ang aking paligid kahit pa nanatili akong nakapikit.

Sinimulan niyang kagatin at sipsipin ang aking labi na tila tinitikman nito ang bawat sulok ng aking pagkatao. Sinuklian ko naman iyon sa pamamagitan ng marahang pagkagat din sa labi niyang napakalambot. Ginaya ko ang bawat ritmo nito kaya paminsan-minsan ay nagtatagpo ang mga dila namin na tila uhaw sa ganitong tagpo.

Walang tumitigil sa amin hanggang sa ang halik namin ay mas naging madiin. Naramdaman ko rin ang mga kamay ni Oliver na naglalakabay na ngayon sa aking likod at marahan iyong pinipisil. Hinahaplos niya ito sa madiin na paraan kaya nagdudulot ito sa akin ng kakaibang pakiramdam.

Para akong kinakapos ng hininga. Para akong nauubusan ng hangin ngunit ayaw kong tumigil kami sa aming ginagawa.

Nararamdaman ko na rin ang mabilis na pagtibok ng puso ni Oliver dahil nanatiling magkadikit ang aming mga dibdib. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, kusang gumalaw ang aking mga kamay para abutin ang ilang parte ng kanyang katawan. Magmula sa kanyang braso, patungo sa kanyang bewang, at hanggang sa makarating ito sa kanyang dibdib ay hinaplos ko ang bawat parte nito.

Wala sa akin ang nagturo sa bagay na ito, ngunit dahil sa ito ang ginagawa sa akin ni Oliver ay kusa na rin akong gumagalaw para gawin ito. Mayroon kasi sa aking pagkato ang tila nagliliyab na parang apoy. Malamig man sa aming kwarto ay ramdam ko ang mainit na temperatura na bumabalot sa buong katawan ko.

Para akong mababaliw. Nakalimutan ko na ang lahat sa aking paligid at nakatutok na lamang ako kay Oliver. Nakasentro na sa kanya ang buo kong atensyon ganoon din sa nagaganap sa amin ngayon.

Hindi ko alam kung may ilang minuto na naming sinusuklian ang halik ng bawat isa, namalayan ko na lamang na mas humigpit ang yakap sa akin ni Oliver hanggang sa tuluyan nang pumaibabaw ang buong katawan ko sa kanya.

Hindi ako tumutol. Hindi ako nagpakitang hindi ko gusto ang senaryo. Ang tanging nagawa ko lamang ay magpaubaya dahil tila ba ito rin ang kautusan ng katawan ko.

Nagpatuloy kami sa mainit at mapusok na paghahalikan ni Oliver hanggang sa may isang bagay ang nagpabalik sa aking katinuan. Mabilis akong napabitaw sa pagkakahalik kay Oliver nang may maramdaman akong isang matigas na bagay na ngayon ay gumagalaw at tila kinakalabit ang ibabang bahagi ng aking bewang.

Nanlalaki ang aking mga mata habang nakatingin kay Oliver na ngayon ay nakangiti na. Hindi ako makapagsalita dahil sa pagkabigla. Naiwan din akong tulala habang pinakikiramdaman ang bagay na patuloy na kumakalabit sa aking bewang. Isa itong matigas na bagay na tila may sariling buhay dahil marunong itong tumibok.

Ilang segundo pa akong nag-isip hanggang sa magkaroon na ako ng ideya kung ano ang bagay na bumabangga ngayon sa aking balat. Mabilis akong napapikit at naingat ko ang aking mga palad para takpan ang aking mukha.

“Hala, Daddy……” tila naiiyak kong sambit dahil sa sobrang hiya. Kasunod din nito ay isinubsob ko ang aking sarili sa leeg ni Oliver dahil hindi ko siya magawang tingnan nang tuwid.

Marahil ay naaliw si Oliver sa aking naging reaksyon kaya bigla itong natawa.

“Why?!” tanong niyang natatawa at niyakap ang katawan ko.

May ilang segundo akong pinalipas para sagutin siya dahil humugot pa ako ng lakas ng loob.

“A-ano ’yon..? B-bakit gumagalaw…? S-saka bakit matigas…?” mahina at nauutal kong pagtatanong sa kanya.

Mas lalo siyang natawa sa pagkakataong ito.

“Muscle control lang ’yon, Weldy!” natatawa niyang sagot sa akin.

“Hindi ko maintindihan, Daddy… Ano ba ’yang muscle control na ’yan..? Kaya mo bang itigil ’yan..? Nakakahiya…” naiiyak ko pa ring pag-amin.

Kung kanina ay bahagya lang siyang natatawa, ngayon ay tila ba humahalakhak na siya. Nasundan din iyon ng mas mahigpit niyang pagyakap sa akin at hinalikan ang aking pisngi nang paulit-ulit na tila nanggigigil siya.

“Nevermind about the muscle control thingy, Weldy!” wika niyang natatawa makalipas ang ilang sandali. “Normal lang din naman ’yon dahil sa ginawa nating paghalik! Ginagawa na natin ’yon before kaya ’wag ka nang mahiya diyan!” dugtong pa nito na may halong paglalambing.

Hindi ko magawang magsalita dahil hanggang ngayon ay nahihiya pa rin ako. Ramdam ko pa rin kasi hanggang ngayon ang matigas na bagay na nasa bandang ibaba ng bewang ko. Hinayaan ko na lamang din si Oliver na magpatuloy sa kanyang pagtawa dahil alam kong mayamaya lamang ay titigil din siya.

Ilang sandali pa ay naramdaman kong marahan na niyang hinahaplos ang aking likod.

“Fine. Naiintindihan ko, Weldy. Kung hindi ka pa handa sa bagay na ’yon, makakapaghintay pa naman ako. Hindi kita mamadaliin dahil alam kong naninibago ka pa rin hanggang ngayon.” mahaba niyang pagpapaintindi sa akin.

Hindi ko magawang makapagbigay ng reaksyon sa kanya. Hanggang ngayon kasi ay nahihiya pa rin ako at hindi ko alam ang isasagot sa sinabi niya.

Dahil sa wala akong naisagot sa kanya ay nagpatuloy pa siya sa pagsasalita. Ngunit bago iyon, nagbitiw muna siya ng malalim na buntong-hininga.

“Weldy, may isa lang sana akong hihilingin sa ’yo.” pagsasalita na niya ngayon sa medyo malungkot na tono.

Nang marinig ko ang tinig na iyon ni Oliver ay tila ba nakaramdam ako ng pag-aalala. Naimulat ko na ang aking mga mata at mabilis akong nakaipon ng lakas ng loob para magsalita.

“Ano ’yon, Daddy..?” tanong kong nag-aalala ngunit nanatili akong nagtatago sa leeg niya.

May ilang segundo siyang pinalipas bago sagutin ang katanungan kong iyon.

“’Wag ka sanang mailang sa akin dahil sa nangyaring ito. Natatakot ako na baka iwasan mo ulit ako kagaya noong mga panahon na kagigising mo pa lang. ’Wag mo rin sana akong pagbawalan na makatabi ka sa pagtulog. At kung pwede sana, yakapin mo pa rin ako kagaya nitong mga huling gabi na magkatabi tayo rito.” mahaba niyang pagsagot sa malungkot niya pa ring tono.

Nang marinig ko iyon ay parang hinihiwa sa pira-piraso ang puso ko. Ramdam ko ang pangungulila ni Oliver. Ramdam ko ang lungkot na bumabalot sa buo niyang pagkatao. Ngayon ko lang ulit siya narinig na ganito kalungkot sa mga mga nakalipas na buwan na magkasama kami nito.

Hindi. Hindi siya dapat ganito. Ayaw kong nalulungkot siya at ayaw kong makita na magbabalik siya sa sitwasyong naghahanap ng kalinga mula sa isang asawa.

Hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin ako ng hiya, ngunit dahil sa pagnanais kong mapasaya si Oliver ay sinagot ko siya sa pamamagitan ng paghalik sa pisngi niya.

“Walang magbabago, Daddy… Pangako.” malambing kong pagsasalita at inangat ko ang aking isang kamay para haplusin ang pisngi nito.

Naramdaman ko sa aking tenga ang pagguhit ng ngiti ni Oliver tanda na napasaya ko siya sa aking sagot.

“Thank you, Weldy. Thank you.” bulong niya sa akin at paulit-ulit na hinalikan ang pisngi ko.

Kasunod ng tagpong iyon ay marahan niya akong iginaya para makaalis mula ibabaw ng katawan niya. May natitira pa rin sa akong hiya dahil sa nangyari kaya hindi ko siya magawang tingan nang diretso sa mga mata.

Kumilos siya para abutin ang isang unan at inilagay iyon sa pagitan ng aming mga katawan. Ipinuwesto niya iyon sa ibabang bahagi naming dalawa na naging dahilan para hindi ko na maramdaman ang matigas na bagay mula sa kanya.

“Ayan, para hindi ka na mailang! Pwede pa rin naman kitang mayakap kahit may unan diyan!” masaya niyang pagsasalita habang inilalagay na niya ngayon ang aking ulo para makahiga sa kanyang braso.

Dahil sa kanyang ginawa ay napangiti ako nang kusa. Hindi ko maiwasang humanga sa kanya dahil marunong siyang magpahalaga. Marunong siyang rumespeto sa kung ano man ang mararamdaman ko.

Nang makapwesto na kami nang maayos ay inilagay niya ang kanyang isang palad sa aking pisngi para haplusin muli ito. Magkatapat kami at may maliit na distansiya ang aming mga mukha bagama’t may sagabal na unan sa aming bandang ibaba.

“Matulog na tayo?” tanong niyang nakangiti sa akin.

“Mmmm…” tugon ko namang tumatango habang nakangiti rin.

Mas lalong lumawak ang kanyang pagkakangiti. Kasunod nito ay kumilos siya para halikan ang aking pisngi.

“Good night, Weldy…”

“Good night, Daddy…”

Ipinikit namin ang aming mga mata na may ngiti sa aming mga labi. May isang unan man na nasa pagitan ng aming mga katawan, hindi naman iyon naging hadlang para mayakap namin ang isa’t isa.

Hindi ko malilimutan ang gabing ito. May mga bagay akong nadiskubre at alam kong sa hinaharap ay may mga madidiskubre pa ako. Kung ano man ang mga bagay na paparating pa lang, marahil ay kailangan ko na iyong paghandaan. Kung kaya ko naman sigurong ibigay iyon sa kanya, sa tingin ko ay hindi ko na kailangan pang pag-isipan kung para naman iyon sa kaligayahan niya.

“Uhm… Daddy?” mahina kong pagtawag sa kanya makalipas ang ilang minuto naming pananahihik. Naimulat ko na rin ang aking mga mata at natagpuan kong nakapikit pa rin siya.

“Mmmm…?” tanong niya sa akin sa inaantok na tono. “Matulog ka na, Weldy, para makatulog na rin ako…” dugtong pa nito at hinalikan ang aking noo.

Nakaramdam ako ng hiya sa gusto kong sabihin sa mga oras na ito. May bagay sana akong gustong ipaalam ngunit sinarili ko na lamang ito.

“U-uhm… S-sige…” nauutal ko na lang na pagsang-ayon sa kanya.

Dahil sa isa siyang doktor, gusto ko sana siyang tanungin kung may gamot ba siya para sa sakit ng puson. Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin, pero simula nang magdesisyon kaming matulog na lang ay naramdaman ko ang kirot sa aking puson.

“Ang sakit naman, eh… Daig ko pa ngayon ang binabalisawsaw…”

Tanging pagdaing na lamang sa isip ko ang aking nagawa. Hindi ko iyon maisatinig dahil baka marinig ni Oliver at lalo pa siyang mag-alala.

Kumilos ako at dahan-dahang inabot ang sumasakit kong puson para sana pigain iyon. Iniisip kong baka sa paarang ito ay mabawasan ang pananakit nito. Pero nang tuluyan kong mahawakan ang puson kong iyon ay isang katanungan na naman ang bumalot sa pagkatao ko.

“Hala? Bakit matigas din ang akin..? Tumitigas lang naman ’to ’pag gumigising ako sa umaga, ah..?”

Tanong ko iyan sa aking isip habang hawak ang junjun ko na ngayon ay nakatirik.


A/N

So, ayon! Kamusta ang chapter na ito? Hahahahaha!

Salamat sa mga naghintay ng update! Busy talaga ang ate n’yo kaya pasensiya na.

Para kay

chanxiaoliu

ang chapter na ito! Salamat, baby, sa lahat! Alam mo na kung para saan ang mga bagay na ’yon. Love ka ni

Mama

! 😘

’Til next chapter na lang po!

Love lots,

cold_deee ❤

04.17.2018

Chapter 15


FRANCE POV

“Iiihhh!! Daddy, ang ganda!!” hindi ko napigilang pagkamangha habang tinatanaw ang dagat mula rito sa bintana. Napapikit din ako nang maramdaman ko ang preskong hangin na tumatama sa aking mukha.

Naramdaman ko mula sa aking likod ang paglapit sa akin ni Oliver. Kasunod nito ay niyakap niya ang aking bewang at inilapit ang kanyang bibig sa aking tenga para ako ay bulungan.

“Talaga?” tanong niyang malambing sa akin.

“Mmmm!!” sagot ko namang tumatango habang nakapikit pa rin. Patuloy kong nilalanghap ang sariwang hangin na matagal ko ring hinanap-hanap simula nang mapadpad ako sa Maynila.

“Mas maganda sa baba once na nasa tabi na tayo ng dagat.” pagbabalita naman niya sa akin. “Magbihis ka na rin kaya, Weldy? Para makaligo na rin tayo sa dagat.” sunod niya pang mungkahi.

Kumilos ako para harapin siya kaya bahagyang lumuwag ang pagkakayakap niya sa aking bewang.

“Titingnan ko muna ang mga anak natin, Daddy! Baka pinapahirapan na nila sina Ate Aning at Ate Loca sa mga susuotin nila, eh! Doon na lang din ako magbibihis!” natatawa ko na ngayong sagot sa kanya.

Maging si Oliver ay natawa sa aking sinabi. Hindi niya rin siguro naiwasang alalahanin ang senaryo kung paano kami nahirapang kumbinsihin ang aming mga anak na piliin lamang ang kanilang mga dadalhing damit patungo rito sa Palawan. Sa sobrang dami nilang damit, sobra-sobra ang mga gusto nilang dalhin para sa ilang araw naming pananatili rito.

“Sige na nga! Magbibihis na lang din muna ako rito. Mauna na rin kayong pumunta sa dagat dahil aayusin ko pa ang iba nating gamit. Magpatulong ka na lang kina Ate Aning kung paano kayo makakarating doon. Susunod na lang ako.” mahaba nitong pangungumbinsi sa akin.

Medyo nakaramdam ako ng hiya kaya nabawasan ang aking pagkakangiti.

“Sigurado ka, Daddy? Pwede naman kitang tulungan muna?” pag-aalala ko sa gusto niyang mangyari.

Hindi muna sumagot si Oliver, hinalikan niya muna nang mabilis ang aking labi bago siya nagsalita.

“I’m okay. Gusto kong mag-enjoy ka, Weldy. Isa pa, baka pagalitan pa ako ng mga anak natin kung hindi ka nila makakasamang maglaro roon? Wala kayong kasawa-sawa sa paglalaro!” sagot naman nito at natawa sa huli.

Maging ako ay hindi naiwasan ang muling matawa. Tama naman kasi siya, lahat na yata ng laro ay nagawa na namin ng mga bata. Ngayon pa lang ang unang pagkakataon na makakalaro ko sila sa tabi ng dagat kaya hindi ko maiwasan ang makaramdam ng saya.

“Sige, Daddy! Hihintayin ka namin sa baba, ha?! Bilisan mo!” pagsang-ayon ko na lang sa kanya at hinalikan din siya sa labi.

Matapos ang maikling pag-uusap namin ni Oliver ay kumilos na rin ako para puntahan ang aking mga anak dala ang mga damit na pangligo ko.

Ngayon lang ako nakahinga nang maluwag simula pa noong isang araw nang ituloy na ni Oliver ang pagpunta namin dito. Ito ang regalong ibinigay niya noon kay Kryz noong kaarawan nito –– ang pagbabakasyon namin dito.

Hindi ko makakalimutan kung paano sa akin sinabi ni Oliver na kailangan kong pumirma sa plane ticket daw na binili niya. Noong una, hindi ko alam kung paano iyon gagawin lalo na at wala akong ideya sa pirma ni Weldy. Pero dahil sa paniniwala ni Oliver na maging ang bagay na iyon ay nakalimutan ko na, siya na rin mismo ang tumulong sa akin para gayahin ang pirma ng dati niyang asawa. Ilang oras ko ring inaral ang bagay na iyon. Mabuti na lang at hindi ganoon kakomplikado ang pirma ni Weldy kaya natutunan ko rin ito.

“Hey, kids! Ready na ba kayo?!” tanong ko sa aking mga anak nang maabutan ko sila sa kanilang kwarto. Ginaya ko na rin ang paraan ng pagtawag ni Oliver sa kanila. Kahit paano ay medyo sosyal na ang iba kong pananalita.

Nakaupo sina Marl at Kryz sa kama at mukhang handa na sila. Nakabihis na sila ng kanilang mga pangligo at talagang napaka-cute nila. Ngunit ang hindi maganda ay nakasimangot naman ang kanilang mga mukha.

“Why..?” pag-aalala ko nang makalapit ako sa kanilang pwesto. “What happenings? Why you hab sad peys..?” dugtong ko pang pagtatanong ng ingles at bahagya akong yumuko para haplusin ang kanilang mga pisngi.

Pinanindigan ko na talaga ang pagiging sosyal. Ang sabi kasi nina Ate Aning at Ate Loca, karamihan sa mga nagpupunta sa lugar na ito ay may mga sinabi sa buhay o may mga kaya. At dahil sa ayaw kong mapahiya ang aking pamilya, kailangan kong magsalita kahit paano ng ingles.

Si Kryz ang sumagot sa akin habang nakasimangot pa rin ito.

“Papa… Ang tagal po kasing magbihis nina Ate Aning at Ate Loca… Gusto na po naming magswimming…” mangiyak-ngiyak nitong pagsusumbong habang itinuturo ang pinto ng banyo.

Napahinga ako nang malalim dahil sa aking narinig. Ang akala namin ni Oliver ay ang mga bata pa ang aming poproblemahin ngunit mukhang nagkamali kami.

Tumayo ako nang tuwid at hinarap ang pinto ng banyo kung nasaan ang dalawang babae.

“Ate Aning! Ate Loca! Matagal pa ba kayo diyan?! Gagamitin ko ang banyo dahil dito ako magbibihis! Naiinip na rin ang mga anak ko!” pagtawag ko sa dalawang babae na mukhang nagtatalo sa mga oras na ito. Naririnig ko kasi mula rito sa labas ang malakas na boses ng mga ito.

Wala sa kanila ang sumagot ngunit bumukas din agad ang pinto makalipas ang ilang segundo.

“Bakla ka! Hindi nga bagay sa swimsuit mo kaya ako na lang ang gagamit nito!” si Ate Loca na inaagaw ang isang manipis at bulaklaking tela mula kay Ate Aning.

“Wala kang pake! Kaya ko nga ’to binili para sa akin tapos gagamitin mo lang?! Manigas ka! Pagtiyagaan mo ’yang tuwalya mo! Insekyorang ’to!” si Ate Aning naman na ayaw bitiwan ang telang nakapulupot na sa bewang nito.

Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa kanila o maiinis? Bihis na bihis sila at animo’y mga donya. Malalaki pa ang kanilang mga sumbrero ganoon din ang itim na salamin sa kanilang mga mata. Hindi rin pahuhuli ang dalawa sa kasuotang pangligo na maiksing short at bra na lang. Wala silang pakialam kung nakikita na ang ilang sensitibong bahagi ng kanilang mga katawan.

“Wala na bang mas mahalay diyan sa suot n’yo? Nakikita kasi ng mga anak ko.” pagpuna ko sa kanila sa medyo naiirita kong tono.

Pareho silang napatingin sa akin. At kahit natatakpan ang kanilang mga mata ng itim na salamin, hindi nila maitatago na hindi nila nagustuhan ang aking sinabi dahil biglang napataas ang isa nilang kilay sa akin.

“Kuya Weldy, naman?! Minsan lang ’to, eh! Minsan lang kami makakarampa nang ganito! Siyempre nasa Palawan tayo! Kailangan sosyal din ang mga outfit namin!” pagkontra sa akin ni Ate Aning.

“Eh, nakikita nga kasi ng mga anak ko! Malaswa nga! Mahalay! Hindi maganda sa mata ng mga bata!” pagsalungat ko rin.

Sa pagkakataong ito ay si Ate Loca na ang nagsalita habang nakataas pa rin ang isa niyang kilay.

“Malaswa?! Kuya, anong gusto mo?! Maliligo kami nang naka-jacket?! Naka-jogging pants? Naka-helmet?!” sunod-sunod nitong pagtatanong. “Saka okay lang naman kina Kryz at Marl! ’Di ba, mga bata?! Um-oo kayo, please?!” pagbaling pa nito sa mga anak ko.

Nilingon ko naman ang mga bata para makakuha ng sagot dito.

“Yeah, it’s okay, Papa. It’s just normal.” sagot naman ni Kryz na walang gana.

“Let’s go na po, Papa… We want to swim na… Just let them wear whatever they want…” si Marl naman na nagmamaktol na.

Hindi ako nakasagot sa sinabi ng aking mga anak. Siyempre, hindi ko na naman iyon naintindihan kaya tanging pananahimik lang ang aking nagawa. Kailangan ko pa talagang galingan sa pag-aaral ng Ingles.

“O, ’di ba?! Wala naman problema sa mga bata! Kaya ’wag ka na diyan kumontra, Kuya!” biglang pagsasalita ni Ate Loca.

Mabuti na lang at hindi na nila nahintay na makapagtanong ako. Base sa naging reaksyon ni Ate Loca, mukhang ayos lang naman ito sa mga anak ko.

Napailing na lang ako bilang pagsuko matapos ang malalim na buntong-hininga ko.

“O, siya, sige na. Asikasuhin n’yo na itong mga bata habang nagbibihis ako. Nakakalat pa ang iba n’yong gamit sa higaan, oh?! Pakiligpit n’yo naman. Ang dumi kasing tingnan. Baka pagalitan tayo ng may-ari nitong palasyo ’pag nagkalat tayo rito?!” sermon ko naman sa kanila habang tinuturo ang kanilang mga bagahe na nasa ibabaw ng kama.

Kumilos naman silang dalawa para sundin ang aking kautusan.

“Kuya, nasa hotel lang po tayo. Hindi ’to palasyo.” pagtatama sa akin ni Ate Aning.

“Saka may mga empleyado ang hotel na ’to sakali mang magulo natin ang mga gamit nila rito.” segunda naman ni Ate Loca kay Ate Aning.

Dinampot kong muli ang aking mga damit na inilapag ko kanina sa kama sa padabog na paraan.

“Wateber.” tangi ko lang nasabi sa dalawa at pumasok na rin ako sa banyo na pinanggalingan nila.

Ano bang malay ko? Ngayon nga lang ako nakarating sa ganito. Sa probinsiya kasi, libre lang naman ang maligo sa dagat. Walang hotel tulad nito dahil pwede naman akong sumilong sa ilalim ng puno. May pagkain din doon dahil aakyatin ko lang ang nagkalat na puno ng niyog.

Sa unang plano ni Oliver, kami lang dapat na magpamilya ang magpupunta rito. Pero dahil sa gusto niyang magsaya rin ako ay isinama na rin niya sina Ate Loca at Ate Aning. Kahit paano rin daw ay may magbabantay pa rin sa mga bata sakali mang yayain ko siyang maglibot sa resort na ito. Regalo na rin daw niya ito sa dalawa naming kasambahay dahil mababait ang mga ito.

Mabuti na lang din pala at may pinainom sa aking gamot kanina si Oliver nang makasakay kami sa eroplano, dahil kung hindi, baka hanggang ngayon ay nasusuka ako. Nakaramdam kasi ako ng pagkahilo at hindi ko maiwasang matakot habang nasa himpapawid kami ng mga ito. Ito kasi ang unang pagkakataon na nakasakay ako sa eroplano. Panibagong karanasan na naman ang ibinigay sa akin ng asawa ko.

Matapos ang maikling minuto ng pag-aayos sa aking sarili ay lumabas na rin ako ng banyo. Handa na kaming pumunta sa dagat ng aking mga anak ngunit may isang bagay ang naalala ko. Agad kong kinuha ang aking cellphone at nagtext dito.

‘Kuya, nandito na kami sa Palawan. Maganda rito. Selpi ako mamaya kasama ang mga bata.’

’Yan ang nilalaman ng aking text na ipinadala ko kay Kuya Michael. Nangako kasi ako sa kanya kanina na magte-text ako sa oras na makarating kami rito. Siya rin ang naghatid sa amin sa airport bago kami sumakay ng eroplano.

Ilang segundo lang ang aking hinintay nang matanggap ko ang sagot nito.

‘Good. Mag-enjoy lang kayo diyan lalo na ikaw. Next time, ako naman ang magti-treat sa inyo para makasama rin ako. Hahaha!’

Hindi ko maiwasang matawa nang bahagya sa text niya. Pwede naman daw siyang sumama pero may mahalaga rin daw siyang aasikasuhin sa aming ospital.

’Sige. Ingat ka diyan. Salamat sa binigay mong pera kanina. Bibili ako pasalubong sa ‘yo. May mga subinir daw dito sabi nila Ate Loca kagaya ng damit. May polseras din daw saka kwintas.’

Naging sagot ko lang iyan sa kanya at muli ko nang itinago sa aking bulsa ang cellphone. Kasunod nito ay sabay-sabay na kami ng mga bata ganoon din nina Ate Aning na nagpahid ng tinatawag nilang ‘sunblock’ bilang paghahanda sa aming paglangoy. Mahigpit na bilin kasi iyon sa amin ni Oliver bilang proteksyon ng aming balat sa araw.

Marami na nga ang nagbago makalipas ang ilang buwan na pananatili ko kasama sina Oliver at ang mga bata. Isa na nga rito ang pakikitungo namin ni Kuya Michael sa isa’t isa. Kung noon ay ramdam na ramdam ko ang tensyon, ngayon ay tuluyan nang nawala iyon.

Sa mga nakalipas na buwan, nakilala ko ang tunay na pag-uugali ni Kuya Michael. Mabait siya at may malasakit sa pamilya. Madalas siyang nasa bahay at kinakamusta kami ng mga bata. Kung minsan nga ay nakikipaglaro pa siya. At kung wala naman siya, madalas ay nagpapadala siya kay Oliver ng mga doughnut. Nalaman niya kasing paborito ko ito kaya halos araw-araw ay mayroon ako nito.

Binigyan niya rin ako ng wallet na naglalaman ng libo-libo. Tinanggihan ko nga iyon noong una ngunit sinabi niyang dapat daw ay may sarili akong pera. Hindi ko pa nga nagagalaw ang mga iyon pero nagbigay na naman siya kanina. Gamitin ko raw iyon para makabili ng maraming pagkain namin ng mga bata.

“Tara na?! Susunod na lang daw si Daddy!” pagyaya kong nakangiti sa mga bata ganoon din kina Ate Loca at Ate Aning.

Halos mapatalon naman sila sa saya at nagmamadaling kumilos para makalabas na rin kami sa kwarto kung nasaan kami..

“Daddy!! Sunod ka, ha?!! Mauuna na kami ng mga bata!!” sigaw kong pagpapaalam kay Oliver na nasa kabilang kwarto pa rin.

“See you in a while!! ’Wag kayo masyadong lalayo!” sagot naman nito sa akin nang pasigaw rin. Sarado kasi ang kwarto na para sa amin kaya nag-uusap kami sa paraang ito.

Hindi maputol ang ngiti namin ng mga bata nang makalabas kami ng silid. Hawak ko ang kanilang mga kamay ay nagkakatuwaan pa kami sa paglalakad habang binabaybay ang daan palabas nitong hotel.

Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa laki at ganda nitong hotel. Napakaelegante rin nito kaya napagkamalan ko pa ngang palasyo. Marami rin akong nakikitang turista na piniling magbakasyon dito. At tulad nga nga sinabi sa akin nina Ate Aning, mukhang may mga kaya nga talaga ang mga nagpupunta rito.

Nang makalabas kami ng hotel ay mas lalo kaming namangha dahil sa ganda ng tanawin. Puting-puti ang buhangin at mula sa aming pwesto ay nakikita rin namin ang malinaw ang tubig.

Dahil sa sobrang tuwa ay mabilis naming kinuha mula kina Ate Aning at Ate Loca ang mga salbabidang hiniram nila sa baba ng hotel kanina. Hindi rin nila kami naawat ng mga bata na tumakbo agad sa dagat para simulang lumangoy at magsaya.

Halos mapaos ako sa katatawa nang simulan na rin namin ng mga bata ang maglaro habang nasa dagat. Ramdam ko ang saya sa kanila habang sakay sila ng salbabida. Masayang-masaya rin ako dahil naranasan ko ang ganito, naranasan ko na sa wakas ang noong pinapangarap ko –– ang may makasama akong lumalangoy sa dagat na walang iba kundi ang pamilya ko. Habang nasa dagat ay nasa dalampasigan naman sina Ate Loca at Ate Aning na abala sa pagkuha ng litrato sa amin ng mga bata. Kung minsan naman ay kinukuhanan nila ang isa’t isa. Niyaya namin sila ng mga bata sa sabayan kaming lumangoy ngunit tumanggi sila. Kailangan daw ay mairampa muna nila ang kanilang mga kasuotan bago iyon mabasa ng karagatan.

Makalipas ang ilang minutong paglangoy namin ng mga bata ay nagdesisyon naman kaming umahon at maglaro ng buhangin sa dalampasigan. Iyon na rin ang kinuhang pagkakataon nina Ate Aning at Ate Loca na maglibot-libot sa kabuuan ng resort.

Si Kryz ay naging abala sa paggawa ng kastilyong buhangin, habang ako ay napagkatuwaang pahigain si Marl sa buhanginan at tabunan nito ang kanyang katawan. Ang cute niya dahil tanging ulo lang niya ang nakalitaw.

“’Wag kang malikot, anak!” natatawa kong pagsaway kay Marl habang patuloy na nilalagyan ng buhangin ang kanyang katawan.

“Nakikiliti kasi ako, Papa!” natatawa naman nitong sagot sa akin na lalo ko ring ikinatawa.

“Papa! Look at my castle! Dito ang kwarto n’yo ni Daddy, tapos dito naman sa amin ni Marl! Dito naman po kay Tito Michael!” tuwang-tuwa na pagbabalita sa akin ni Kryz habang itinuturo ang bawat bahagi ng ginawa niyang kastilyo.

“Wow! Ang galing ng panganay ko!” papuri ko kay Kryz. “Lagyan mo rin sina Ate Loca at Ate Aning! Baka isipin nilang pinalayas na natin sila?!” natatawa ko namang mungkahi sa kanya. Patuloy pa rin akong naglalagay ng buhangin sa katawan ni Marl.

Natawa silang pareho ni Marl dahil sa ginawa kong pagbibiro. Napakasaya talaga namin sa mga oras na ito.

“Sige po, Papa!” pagsang-ayon lang sa akin ni Kryz na natatawa. Kasunod nito ay nagpatuloy na rin siya sa paggawa ng kanyang kastilyo.

May ilang minuto pa kaming nagkakatuwaan ng mga bata hanggang sa makarinig ako ng isang pagtawag.

“Weldy!!”

Dahil sa napakapamilyar ng boses na iyon ay tila ba naramdaman ko ang pagtalon ng aking puso. Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses habang malawak din ang pagkakangiti ko.

“Dad—–”

“Doc Oliver?! Oh, my God! Kayo nga po!! Dito ka rin po nagbakasyon?!”

“Jeez! Why so hot, Doc?!”

Hindi ko na naituloy ang masaya ko sanang pagtawag kay Oliver dahil sa dalawang babae na ngayon ay nakalapit na sa kanya. Parang naiihi ang dalawang babae habang kausap ang aking asawa. Tumatalon-talon pa sila na akala mo ay nakakita ng isang artista.

“Hey! Kamusta?! Nakabakasyon din pala kayo?!” magiliw naman na salubong sa kanila ni Oliver at kinamayan pa ang dalawang babae.

Base sa kanilang pag-uusap, mukhang magkakakilala sila. Tila ba malapit na rin sila sa isa’t isa lalo na at may mahinang paghampas pang nalalaman ang dalawang babae sa braso ng aking asawa.

Pinagmasdan ko silang mabuti habang nagpapatuloy sa kanilang masayang pag-uusap. Mapuputi ang dalawang babae at parehong balingkinitan ang pangangatawan. At kung nalalaswaan ako sa suot nina Ate Aning at Ate Loca kanina, higit na mas malaswa itong dalawa. Panty at bra na lang kasi ang suot. Parang wala nang natitirang hiya sa katawan nila?

Nang maligaw naman ang aking paningin sa aking asawa ay ngayon ko lang napansin na wala itong pang-itaas. Tanging makulay na short lang ang kanyang suot habang may twalyang nakasabit sa balikat niya. Dahil sa mataas na sinag ng araw, kitang-kita ang makinis at mapunting katawan ni Oliver. Litaw na litaw rin ang hinahangaan kong hubog ng kanyang katawan.

“Baka naman hindi agad matapos ang oras n’yo kung magtatagal kayo sa bakasyon?!” natatawang tanong sa kanila ni Oliver.

“Of course not, Doc! Kaya nga nag-double shift kami sa ospital last week, eh!” medyo naglulumanding sagot naman ng isang babae at muling hinampas nang bahagya ang balikat ni Oliver.

Nasa ganoon akong pag-oobserba kina Oliver at sa dalawang babae nang marinig ko ang boses ni Marl na tila nanghihina.

“A-aray, Papa… Tama na po… Ang bigat na po…” reklamo ni Marl kaya agad kong nilingon ito.

Halos malaglag ang aking panga habang nanlalaki ang aking mga mata dahil sa pagkagulat. Natagpuan ko ang aking bunso na parang bundok na ang katawan dahil sa dami ng buhangin na nilagay ko sa katawan nito.

“Hala?!! Sorry, anak!! Sorry, sorry!! Hindi sinasadya ni Papa!!” natataranta kong paghingi ng tawad sa aking anak habang tinatanggal ang buhangin sa katawan niya.

Dahil sa pagiging abala ko sa panonood kina Oliver at sa dalawang babae ay hindi ko na alam ang aking ginagawa. Gusto kong ibaon ang aking sarili sa buhangin bilang parusa dahil nasaktan ko yata ang aking anak.

“Sorry na, anak…” halos mangiyak-ngiyak kong paghingi ulit ng tawad kay Marl.

“O-okay lang po, Papa… ’Wag ka na po umiyak…” sagot naman ni Marl na ngayon ay umaahon na mula sa pagkakahiga. “Tutulungan ko na lang po si Ate Kryz na gumawa ng castle.” sunod pa niyang pagsasalita at ngumiti na sa huli.

Pinanood ko na lamang si Marl kung paano siya mabilis na kumilos para puntahan ang kanyang Ate. Gusto ko pa sanang makisaya sa kanila ngunit sa hindi ko malamang dahilan ay bigla rin akong nawalan ng gana. Kaya ngayon, naririto na lamang ako at nakaluhod sa buhanginan habang pinapanood silang dalawa.

Hindi ko alam kung gaano na ba ako katagal sa panonood kina Kryz at Marl sa kanilang paglalaro, namalayan ko na lamang na may isang tao ang lumapit sa akin at tinawag ang pangalan ko.

“Weldy,” pagtawag nito at ramdam kong siya ay nakangiti. “Nagpa-reserve na ako ng table sa restaurant na ’yon for our lunch. Nagugutom ka na ba? Nagugutom na rin daw ba ang mga bata?” malambing pa nitong pagtatanong habang may itinuturong malaking kainan na may ilang metro rin ang layo mula sa aming pwesto.

Unti-unti kong nilingon ang taong nagsalita at natagpuan ko ang magaling kong asawa na halatang masaya. Hindi ko alam kung anong ekspresyon ang suot ko ngayon, ang malinaw lang sa akin ay nakakuyom ang aking kamao dahil sa inis na nasa dibdib ko.

Hindi ako nagsalita at tanging pagtitig lang sa kanya ang aking nagawa. Nasaksihan ko kung paano mula sa pagkakangiti ni Oliver ay gumuhit dito ang pagtataka.

“H-hey… Are you okay? Bakit nanlilisik ’yang mata mo? Parang kang tigre na kakain ng buhay na tao. May problema ba? May nangyari ba? Ha, Weldy?” pagpuna niya sa akin na may bahid ng pag-aalala.

Problema?!

Hindi ko alam kung anong problema! Hindi ko alam kung bakit ako naiinis habang nakatingin sa kanya! Gusto kong umiyak pero hindi ko alam ang dahilan! Naiinis ako! Inis na inis ako!

Dahil sa hindi pa rin ako sumasagot kay Oliver ay mas lalo na siyang nag-alala. Inangat niya ang kanyang isang kamay para sana abutin ang aking mukha. Pero bago pa iyon makaabot sa aking balat ay kusa na ring kumilos ang isa kong kamay para hawiin ang kamay rin niyang iyon.

“Kryz! Marl! Let’s go!” mabilis kong pagyaya sa mga bata at tumayo na rin ako sa aking pwesto para hawakan ang mga kamay nila. Kasunod nito ay sapilitan ngunit may pag-iingat ko silang pinatayo mula kanilang pagkakaluhod.

“Where are we going, Papa?! Hindi pa po kami tapos sa castle! Saka naiwan po si Daddy!” nagtatakang tanong ni Kryz habang naglalakad kaming tatlo.

“We eating!! Gagawa na lang ulit tayo mamaya ng kastilyo!” sagot kong may kalakasan sa kanya.

Kasunod na nagtanong ay ang bunso na si Marl na nagkakamot ngayon ng kanyang ulo. Mukhang naguguluhan na sa pangyayari rito.

“What are we gonna eat for lunch, Papa?” nakanguso nitong pagtatanong.

Saglit akong natigilan kung ano ba ang isasagot ko rito. Naintindihan ko naman ang kanyang sinabi dahil iyon ang madalas niya sa aking itanong tuwing nasa bahay kami.

“Frog!!” sagot kong may kalakasan kay Marl.

“What?!!” gulat na gulat at sabay nilang reaksyon na magkapatid.

Bigla akong nataranta dahil ngayon lang nagproseso sa akin ang naging sagot ko. Nakakita kasi ako ng salbabida na may nakaimprentang palaka kaya wala sa sarili kong sinabi ito.

“Mali pala! Lobster! Lobster ang kakainin natin!” pagbawi ko sa nauna kong sagot.

Mukhang mabilis kong nakuha ang loob ng aking mga anak dahil pareho silang napasigaw sa galak. Nakalimutan na rin nila ang kanilang Daddy na nasa likod na namin at sinusundan kami.

“Pabili nga! May lobster kayo?! Saka tatlong kanin! Ay, apat na pala kasi dalawa ang akin!” agad kong tanong at utos sa isang lalaking empleyado ng kainang napuntahan namin ng mga anak ko.

Saglit kong binitiwan ang kamay ng aking mga anak para kunin ang perang ibinigay sa akin ni Kuya Michael. Nakalagay ito sa maliit na bag na gawa sa plastic at nakakwintas naman sa aking leeg. Ibinigay ito sa akin ni Oliver bilang proteksyon sa mga gamit na maaaring mabasa ng tubig kabilang na ang cellphone ko.

“Magkano ba? Sapat na ba ito?” tanong ko pang muli sa empleyado habang iniaabot sa kanya ang bayad ko.

Gumuhit ang pagtataka sa empleyado ngunit saglit lamang iyon.

“Meron po, Sir. Maupo na lang muna po kayo at ihahatid ko na lang po ang order ninyo. Mamaya n’yo na lang din po bayaran ang mga nakain n’yo.” nakangiti at magalang na ngayong pagsagot sa akin ng lalaki.

Magsasalita pa sana ako at magtatanong kung bakit ayaw niyang tanggapin agad ang aking bayad, ngunit hindi ko na iyon naituloy pa dahil sa pagsingit ng lalaking kanina lamang ay sinusundan kami ng mga bata.

“I’m sorry. Sige, hanapan mo na lang kami ng pwesto. Pakibigyan na rin kami ng menu dahil o-order din ako.” pakikipag-usap ng asungot sa tauhan ng restaurant. Natatawag ko na siyang asungot dahil naiinis talaga ako!

“Daddy!!” masaya at sabay na sambit nina Kryz at Marl nang makita ang ama nilang nakahabol sa amin dito.

“Sige po, Sir. This way po.” gabay na ngayon sa amin ng trabahador.

Oo na, napahiya na ako. Ang akala ko kasi ay iba ang patakaran para kumain sa lugar na ito. Ang akala ko ay sa Maynila lang mayroong restaurant na kukuha at maghahatid ng pagkain sa kanilang mga parokyano. Ganoon din pala kahit dito.

Wala naman akong nagawa kundi ang sumunod sa paggabay ng empleyadong iyon hanggang sa makarating kami sa ibinibigay nitong upuan na para sa apat na tao. Gusto ko sanang makatabi ang isa man sa mga bata para makaiwas kay Oliver ngunit pumili na rin sila ng kanilang pwesto. Magkatabi silang magkapatid kaya wala akong napagpilian kundi ang tumabi sa asungot dito.

“Pakibigyan mo na lang kami nito, then ito, and then para sa dessert, apat nito pero mamaya mo na i-serve after namin kainin ang nauna naming orders. Apat na fresh orange juice naman para sa drinks namin.” utos ni Oliver sa empleyado habang itinuturo ang mga pagkain sa menu.

“Sige po, Sir. Fifteen to twenty minutes po ang serving time.” sagot naman ng empleyado at kumilos na rin ito para ipaluto ang mga pagkaing napili namin.

Nang makaalis ang empleyadong iyon ay nagkaroon ng mahabang katahimikan sa aming mesa. Hindi ko nililingon si Oliver sa aking tabi ngunit alam kong nakatitig siya sa akin sa mga oras na ito. Ang ginawa ko ay kinuha ko ang aking cellphone at naging abala sa pagte-text dito.

“Weldy,” pagtawag sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali. “May problema ba? Pwede nating pag-usapan.” dugtong pa nito sa mahinahon niyang tono.

“’Wag ngayon. Nakita mong nagte-text ako, ’di ba?” pagsusuplado ko sa kanya at hindi pa rin siya nililingon.

“Mas importante ba ’yan kesa sa akin? Gusto kitang makausap kaya mamaya na ’yan.” utos naman nito sa akin.

Aba? Nangonsensiya pa?

“Tine-text ko si Ate Aning para sumunod sila rito. Hindi pa sila kumakain.” pagsusungit ko pa rin kay Oliver.

Narinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga. Tila ba hinahabaan niya ang kanyang pasensiya dahil sa aking inaasta.

“Weldy, alam kong may mali. Okay naman tayo kanina, ’di ba? Bakit bigla ka na lang nagkaganyan? Hindi ba natin pwedeng pag-usapan? And besides, mag-aaway ba tayo sa harap ng mga anak natin? Look at them, mukhang hindi na sila masaya.” mahaba pa nitong pag-uusisa.

Nang marinig ko ang huling bahagi ng kanyang sinabi ay natigilan ako. Dahil sa labis kong inis ay ngayon ko lang napag-isip-isip ang magiging reaksyon ng mga anak ko. Nakikita nila ang hindi ko magandang pag-uugali na maaaring makaapekto sa mga ito.

Nang iangat ko ang aking paningin ay natagpuan ko sina Marl at Kryz na salitan kaming pinagmamasdan ng kanilang Daddy. Suot nila ang pag-aalala at mukhang hindi na nga sila masaya tulad kanina.

“See? ’Di ba, dapat nagsasaya lang tayo ngayon? Pero dahil sa ayaw mo akong kausapin at ayaw mong sabihin ang problema, naaapektuhan pati ang mga bata.” muling pangongonsensiya ni Oliver sa akin.

Hindi ko alam kung nang-aasar ba ang lalaking ito o talagang problemado siya sa nagiging reaskyon ko. Habang nagsasalita kasi siya ay inilalagay niya rin ang kanyang daliri sa aking tenga dahilan para makiliti ako.

“Uuyyy~~ Sasabihin na ng asawa ko kung bakit siya nakasimangot. Ngingiti na ’yan. Tatawa na ’yan. Ngunguso na ’yan para magpa-cute~~” nakangiti na nitong panunukso sa akin habang kinikiliti pa rin ang aking tenga.

“Ano ba kasi, Daddy?! Hindi nakakatawa! Naiinis na nga ako, eh!” may kalakasan kong pag-awat sa kanya habang paulit-ulit na hinahawi ang kanyang kamay na nasa aking tenga.

“Sabihin mo na kasi!” natatawa pa rin niyang pamimilit sa akin.

Napapikit akong saglit at nagdikit ang aking mga ngipin dahil sa labis na pagtitimpi. Kasunod nito ay hinawakan ko nang mahigpit ang kamay ni Oliver para patigilin ito sa kanyang pangingiliti.

“Problema?! Ikaw! Kayo! Kayo ng mga babaeng kausap mo kanina! Ang saya-saya n’yo pa! Tawanan nang tawanan kahit walang nakakatawa! May pagpalo pa! May paghampas sa braso at balikat pa! Hindi na kayo nahiya! Napakahahalay pa ninyo sa mga suot n’yo! Ikaw?! Kailangan ba wala ka talagang suot na pang-itaas?! Bold star ka ba?! Hindi naman, ’di ba?! Short lang talaga ang suot mo?! Bilad na bilad ’yang katawan mo! Saka bakit napakatagal mo?! Nakaligo na kami at lahat sa dagat pero wala ka pa! Saan ka ba nagsuot?! Ayaw mo siguro kaming kasama at mas –– uhmp!!!”

Hindi ko na naituloy ang aking mahabang panenermon dahil nagulat ako nang halikan ako sa labi ni Oliver sa harap din mismo ng aming mga anak.

“Ang ingay talaga ng asawa ko! Putak nang putak na parang manok!” natatawang reaksyon ni Oliver matapos maghiwalay ng aming mga labi.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa labis na pagkasorpresa. Nang ilibot ko ang aking paningin ay napansin kong sa amin na rin nakatuon ang atensyon ng mga taong kumakain sa restaurant na ito.

“Ayyiiee~~ Nagseselos lang pala si Papa? Ang cute!” kantyaw ni Kryz sa akin na kapareho ni Marl na ngayon ay tumatawa.

Mabilis akong binalot ng hiya kaya naitakip ko ang aking mga palad sa aking mukha.

“Daddy, naman, eh… Ang daming tao…” hiyang-hiya kong sambit na tila naiiyak ako.

Naramdaman ko ang pagkayakap sa akin ni Oliver at nagawa pa niyang haplusin nang marahan ang likod ko.

“Okay lang ’yan! Kanina pa naman nila tayo pinapanood dahil sinesermonan mo ako! Nagseselos lang pala ang asawa ko!” natatawang sagot sa akin ni Oliver.

Pumalag ako at bahagya kong itinulak si Oliver para maghiwalay ang aming mga katawan. Iyon din ang naging dahilan para maialis ko ang pagkakatakip ko sa aking mukha. Ngunit kahit gano’n, nanatiling nakahawak ang mga kamay ni Oliver sa aking braso at balikat.

“Sino ba kasi ang mga babaeng ’yon?! Saka bakit hinahawakan ka nila?! Hindi ba nila alam na may asawa’t anak ka na?! Nakakainis!! Nakakainis, Daddy!!” mangiyak-ngiyak ko nang panunumbat sa kanya.

Hindi ko alam kung ano bang nakakatawa, pero mas lalo pang umalingawngaw sa buong lugar ang tawa ng aking pamilya.

“Mga nag-o-OJT lang ang mga ’yon sa ospital, Weldy! Mga nurse ’yon sa ospital n’yo ng Kuya Michael mo! Nagulat lang ako dahil nakabakasyon din pala sila rito! About naman sa tanong mo kung bakit natagalan ako, may nadaanan kasi akong ads na may mangyayaring show sa kabilang resort mamaya. Bumili ako ng ticket para makapag-date tayong dalawa.” mahaba at natatawa pa ring sagot sa akin ni Oliver.

“OJT-OJT at date-date ka pang nalalaman! Malay ko sa OJT at date na ’yan?! Saka kahit ano pa sila, kahit alien pa ang mga babaeng ’yon, hindi ka nila dapat hinahawakan lalo na at nakahubad ka! Ang babastos nila! Ang lalaswa nila!” hindi pa rin ako natigil sa aking pagbubunganga.

Sa halip na sumagot agad si Oliver ay nagulat ako nang muli na naman ako nitong halikan sa labi kahit pa sa harap ng madla.

“It’s okay. Kumalma ka na, please? Hindi naman ako naaapektuhan sa kagaya nila. Never akong na-attract kahit kanino bukod sa asawa ko. Hayaan mo, ’pag nakita ulit natin sila, ipapakilala pa kita.” nakangiti nang pagpapaintindi sa akin ni Oliver matapos ang ilang segundong paghalik niya sa aking labi.

Sa mga binitiwang salita ni Oliver, naramdaman kong bahagya nang gumaan ang pakiramdam ko. May kapangyarihan talaga ang isang ’to, eh. Mabilis niyang napapagaan ang pakiramdam ko dahil nagpapaliwanag siya lagi nang nakangiti.

“Are we good? Dapat magsaya lang tayo, Weldy, okay? Ayaw kong nakasimangot ka hanggang mamaya lalo na at may dinner date pa tayo.” tanong pa sa akin nito.

Ayan na naman ang date na ’yan. Hindi pa nga niya napapaliwanag ang ibig sabihin no’n, dinagdagan niya ng ng salitang ‘dinner’.

“Daddy, kasama po ba kami ni Marl?” tanong ni Kryz makalipas ang ilang sandali.

Nilingon naman siya ng kanyang ama habang suot pa rin ang magandang ngiti.

“I’m sorry, Kryz. Pero late na ang show na pupuntahan namin ng Papa ninyo. Besides, ngayon lang ulit kami makakalabas na dalawa kaya pagbigyan n’yo na kami. Nandiyan naman sina ang Ate Aning at Ate Loca ninyo habang wala kami. Kaya nga isinama na rin natin sila rito para may magbantay sa inyong magkapatid.” mahabang pagpapaintindi ni Oliver sa aming panganay.

Mabilis na ngumiti si Kryz bago ito nagsalita. Si Marl naman ay tumango nang paulit-ulit habang nakatingin sa amin ng Daddy nila.

“Okay. Just enjoy the night, Daddy, Papa.” sagot ni Kryz sa haba ng sinabi ng kanyang ama.

Hala? Bakit ang bilis nilang kausap? Hindi ba nila pipiliting sumama para mas masaya? Dinaig ko pa sila na ang daming nirereklamo sa Daddy nila!

“Thank you, kids.” tipid na lang na naging reaksyon ni Oliver.

Dahil sa madaling nagkasundo ang mag-aama, pinili ko na lamang din na manahimik at sumang-ayon sa naging desisyon ng aking asawa. Ayaw ko na ring humaba pa ang pakikipagtalo kay Oliver lalo na at naririto ang mga bata.

Habang naghihintay sa aming pagkain ay nagpakuha pa ng isang mesa at dalawang upuan si Oliver sa empleyado nitong restaurant. Ito ay para may maupuan ang dalawa pa naming kasama na walang iba kundi sina Ate Aning at Ate Loca. Siya na rin mismo ang tumawag sa mga ito gamit ang cellphone niya. Nagpadagdag na lang din si Oliver ng ilan pang pagkain para mas marami kaming pagsasaluhan sa aming tanghalian.

“Doc Oliver! Hi! Dito rin pala kayo magla-lunch?!”

Isang boses ang bumasag sa nananahimik na sana naming mundo ang naging dahilan para mapalingon kami ng asawa ko.

“Oh, hey.” kaswal na naging reaksyon ni Oliver nang makita ang dalawang babae na nakalapit na pala sa aming pwesto.

Kusang nagkuyom ang aking mga kamao at nanliisik ang aking mga mata nang makita ko ang dalawang babaeng naging dahilan para magtalo kami ni Oliver kanina.

Sila na naman?! Sinusundan ba nila ang asawa ko?! Ang daming kainan sa lugar na ito pero dito pa talaga sila naligaw?! Nananadya ba ang mga ito?!

“Oh?! Hi, kids!” pagbati ng isa pang babae nang maligaw ang mga mata nito kina Marl at Kryz.

“Hello po.” sabay na sagot naman ng mga bata. Nakangiti sila ngunit bakas sa kanila ang pag-aalala habang pasimple nila akong tinitingnan.

Unti-unti kong nilingon si Oliver at nagsalubong ang aming mga paningin. Nakita ko pang napalunok siya at rumehistro sa kanya ang pag-aalala.

Dapat lang na mag-alala siya. Kung nakakamatay lang kasi ang tingin, malamang ay duguan na siya dahil sa talim ng titig ko sa kanya.

Tumikhim si Oliver bilang paghahanda sa kanyang pagsasalita. Sinubukan niya rin ang ngumiti sa kabila ng hindi pagiging komportable.

“By the way, girls. Na-mention ko kanina sa inyo na kasama ko ang family ko ngayon, right?” tila ba pagtatanong ni Oliver sa dalawang babae na nakatayo sa aming tabi. “These are my kids, sina Marl at Kryz.” dugtong pa nitong pagpapakilala sa aming mga anak.

“They’re so cute!” reaksyon ng isang babaeng hindi yata tinatalaban ng lamig kahit may malaking electric fan dito sa restaurant. Naka-panty at bra pa rin kasi hanggang ngayon. Ang sakit sa mata.

“Thank you po.” sabay naman na reaksyon ng dalawang bata.

Matapos ang pagpapakilala ni Oliver sa aming mga anak ay nasaksihan ko kung paano gumuhit ang pagtataka sa mukha ng dalawang babae nang akbayan naman ako ni Oliver.

“And this is Weldy, my husband.” nakangiti namang pagpapakilala sa akin ni Oliver.

Nang marinig iyon ng dalawang babae ay parang nakakita sila ng multo. Hindi maikakaila ang pagkagulat sa kanilang mukha habang salitan kaming pinagmamasdan ng asawa ko.

“So… Dito rin ba kayo magla-lunch?” pagbasag ni Oliver sa biglang pananahimik ng dalawang babaeng nagmula pa yata sa kalawakan. Ang babastos talaga ng suot. Hindi na lang naghubad dahil wala na silang itinago.

Tila ba doon lang sila natauhan kaya pinilit nilang ngumiti para lang hindi mahalatang apektado.

“Uhm… Yes, Doc. Nakita ka agad namin kaya naisip naming baka pwedeng ––”

“I think kailangan n’yo nang humanap ng pwesto habang may mga vacant pang tables. Baka dumami ang customers dito since lunch time at maubusan kayo?” pasimpleng pagtataboy ni Oliver sa kanila.

Hindi nakapagsalita ang dalawang babae. Mukhang nilamom na talaga sila ng pagkabigla.

“Weldy,” biglang pagtawag sa akin ni Oliver kaya nilingon ko rin siya agad. “Maiwan ko muna kayo ng mga anak natin. Babalik lang ako saglit sa room natin para magsuot ng sando.” sunod pa nitong pagpapaalam sa akin.

Tanging pagtango lang ang aking naisagot. Medyo mainit pa rin kasi ang aking ulo dahil ayaw pa rin umalis ng dalawang babaeng asungot.

“I’ll be right back. Kumain na rin kayo agad kapag dumating na ang food.” pagbibilin pa ni Oliver at hinalikan na naman ang labi ko. Kasunod din nito ay mabilis din siyang tumayo at umalis mula sa tabi ko para gawin ang sinabi nito.

Parang gusto kong pumalakpak dahil pakiramdam ko ay may napanalunan ako. Alam kong nakita ng dalawang babae ang ginawang paghalik sa akin ng asawa ko. Siguro naman ay sapat na ang ebidensiyang nakita nila para maniwala sila. Tigilan na nila ang pagulat-gulat na reaksyon nila.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko para ngitian ko ang dalawang babae nang sarkastiko.

“Sabi ng asawa ko, humanap na kayo ng pwesto ninyo. Bakit nakatayo pa kayo riyan? Anong hinihintay n’yo? Pasko?” may pekeng ngiti kong pagtataboy sa kanila.

Hindi sila nakapagsalita at wala silang nagawa kundi ang tingnan lamang ang isa’t isa. Tila ba nag-uusap din sila gamit ang kanilang mga isip dahil tumango-tango pa sila. Kasunod ng ginawa nilang iyon ay kumilos na rin sila para maghanap ng ibang mesa.

“Mga papansin!” bulong kong reaksyon habang nakasimangot na ngayon. Pinapanood ko rin sila habang naghahanap ng sarili nilang mesa.

Hindi yata iyon nakaligtas sa pandinig ng aking mga anak. Mukhang naaliw sila sa akin dahil pareho rin silang tumawa.

“Aayyyiiee~~ Nagseselos pa rin si Papa!” kantiyaw sa akin ni Kryz.

“Ang cute mo po magselos, Papa!” reaksyon naman ni Marl na biglang tumayo sa ibabaw ng silya. Ginawa niya iyon para abutin ang aking pisngi at pisilin ito nang paulit-ulit.

Naku! Magpasalamat talaga ang dalawang babaeng iyon at nandito ang aking mga anak! Nakakainis talaga sila! Ngayon lang ako nanggigil nang ganito kaya dapat ay mag-ingat sila. Bihira akong magalit pero ’wag lang talagang sinasagad ang aking pasensiya.


A/N

So, ’yon na nga. First part lang ito ng bakasyon grande ng Santillan family! Sana ay abangan n’yo pa ang mga susunod na ‘ganap’.

Para sa ’yo ang chapter na ito,

Akatsukiii_bae

!! Salamat sa lahat! Alam mo na kung para saan ang mga ’yon! Labyu!

Maraming salamat din po sa mga patuloy na nag-aabang ng update! Sa mga bumoboto at walang sawang nagko-comment, maraming salamat sa inyo. 😘

–– cold_deee ❤

04.27.2018

Chapter 16

© to DJ_Deccao for the cover.

  ![](https://img.wattpad.com/f2c002b35aff3a197231f09f23d246c7e198020a/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f776b5f3835626e77374f4e354e773d3d2d3438353338343831312e313532643966336433656663366337303439353734373635313632312e6a7067)

FRANCE POV

“’Wag mo akong hawakan! Naiinis pa rin ako sa ’yo!” may diin kong pagpigil kay Oliver nang sinubukan niyang hawakan ang kamay ko.

Sakay kami ngayon ng isang speed boat daw kung tawagin. Parang isa itong bangka ngunit mabilis ang patakbo. Iba ito sa sinakyan namin kaninang umaga kasama sina Ate Aning at Ate Loca pati na rin ng mga bata para makarating sa tinutuluyan naming hotel. Ngayon kasi ay dalawa lang kaming sakay bukod sa mga nagpapatakbo nitong speed boat nga.

Sa halip na maapektuhan sa aking sinabi ay nagawa pang tumawa ni Oliver.

“Weldy, naman?! Hanggang ngayon ba naman, hindi mo pa rin nakakalimutan ang dalawang babaeng ’yon?! Akala ko ba okay na tayo?! Nakapag-swimming na nga tayo kanina nang magkakasama, ’di ba?!” sunod-sunod na pagtatanong ni Oliver habang natatawa.

“Okay tayo sa harap ng mga bata! Ayaw kong mag-alala sila kaya sinubukan kong kalimutan ang nangyari kanina! Ah, basta! Naiinis pa rin ako tuwing naaalala ko ang paglalandi sa ’yo ng mga babae kanina!” mas nakasimangot ko nang pagsagot sa kanya.

Napailing na lang si Oliver habang natatawa pa rin. Hindi na siya nagsalita ngunit lumapit ito sa akin para umakbay sa aking balikat.

“’Wag mong alisin, please?! Kanina ko pa ’to gustong gawin kaso alam ko namang umiiwas ka! Miss na miss na kita dahil kanina ka pa nagtatampo sa akin!” natatawa niyang pakiusap sa akin nang sinubukan kong alisin ang kanyang kamay mula sa pagkakaakbay. “Ang cute-cute talaga ng asawa ko ’pag nagseselos, oh?!” sunod pa nitong pang-uuto at paulit-ulit na hinalikan ang pisngi ko.

Natahimik ako sa kanyang mga sinabi. Bahagya rin akong nakaramdam ng hiya dahil tinitingnan na rin kami ng nagpapaandar nitong speed boat. Wala tuloy akong nagawa kundi ang magpadala sa mga pangyayari, hinayaan ko siya sa gusto niyang gawin.

“Malayo pa ba ’yon, Daddy? Baka hinahanap na tayo ng mga bata? Saka baka hindi sila makapaghapunan?” tanong at pag-aalala ko makalipas ang ilang sandali.

Muling natawa si Oliver ngunit saglit lamang iyon.

“Malapit na. Nakikita mo ba ’yon? ’Yan ang pupuntahan natin.” sagot niya sa akin habang itinuturo ang isang isla na maraming ilaw. “Saka hindi na tayo hahanapin ng mga anak natin dahil nagpaalam na ako sa kanila. Alam na rin nilang para sa atin lang ang gabing ’to kaya ’wag ka nang mag-alala. Nagbilin na rin ako kina Ate Aning at Ate Loca. Nakapagpa-reserve na rin ako sa restaurant ng hotel para sa dinner nila.” sunod niya pang paliwanag sa akin.

Napasimangot na lang ako sa kanyang mga sinabi. Hindi ko talaga maiwasan ang mag-alala sa aming mga anak. Kung bakit naman kasi kailangan pa naming lumipat ng isla ni Oliver? May dagat at matutuluyan din naman ang una naming pinuntahan, pero bakit kailangan pa naming iwan ang aming mga anak? Nakakalungkot tuloy.

Para makarating sa isa pang resort na iyon ay kailangan naming tumawid ng isla sakay ang speed boat. Ang sabi sa amin ay mahigit kalahating oras ang aming hihintayin para lang makapunta roon. Wala akong ideya sa lugar na iyon kaya wala akong magagawa kundi ang maghintay.

Nang makarating kami sa lugar na kanyang sinasabi ay hindi ko naiwasan ang mamangha. Napakagandang isla nito at mukhang napakalawak. Tahimik ang lugar at napakaganda pang lalo ng kapaligiran dahil sa mala-kahel na kalangitan dala ng papalubog na araw.

“Salamat sa paghatid sa amin dito. Keep this.” pakikipag-usap ni Oliver sa mga nagmaneho ng speed boat matapos nilang iabot sa amin ang isang bag na naglalaman ng ilan naming mga damit.

Pinapanood ko lang sila habang binibigyan sila ni Oliver ng pera. Pamasahe yata iyon o bayad dahil sa pagsakay namin sa speed boat?

“Salamat dito sa tip, Sir!” masayang sagot naman ng isang lalaki kay Oliver.

Napatango na lamang ako nang marahan dahil sa aking nalaman. Ngayon ay alam ko na, ‘tip’ pala ang ingles ng pamasahe?

“Let’s go na? Nakapagcheck-in na ako kanina kaya hindi na tayo dadaan ng reception. Nasa tapat na ng room natin ang staff nitong resort para makuha natin ang susi no’n.” pagyaya na ngayon sa akin ni Oliver matapos ang pakikipag-usap niya sa mga nagmaneho ng speed boat.

“Wateber.” sagot kong walang gana kay Oliver at inirapan siya. Naiinis pa rin kasi ako dahil wala ngayon ang mga bata. Nami-miss ko na sila.

Tulad pa rin kanina, natawa na naman siya. Aliw na aliw siya sa pagsusungit ko sa kanya.

“Sasakay naman tayo diyan, Weldy, para makarating sa room natin.” paliwanag sa akin ni Oliver habang tinuturo ang maliit na sasakyang malapit sa aming pwesto. “Electric shuttle ang tawag diyan. Madalas, sa resort o sa golf course makikita ’yan.” sunod pa niyang pagtukoy rito at sinimulan na rin namin ang maglakad para puntahan iyon.

“Aahhh…” wala sa sarili ko namang sambit habang tumatango. Tinatandaan ko kasi ang mga bagay na tinuturo niya sa akin.

Sakay nga ng electric shuttle na sinabi ni Oliver ay halos libutin namin ang buong resort. Malaki nga pala talaga ang resort na ito at napakaganda rin tulad ng pinanggalingan naming resort kasama ang mga bata.

“Hala, Daddy!! Ang liliit ng bahay saka magkakatabi!! Ang gaganda kahit pare-pareho lang naman!! Tapos nakatayo pa sa dagat!! Ang galing, ’di ba?! Tingnan mo, bilis!!” hindi ko napigilang pagkamangha habang tinuturo ang mga iyon na medyo may kalayuan din sa aming pwesto.

Naramdaman ko ang pag-akbay ni Oliver sa akin at narinig ko rin ang kanyang mahinang pagtawa.

“Villas ang tawag diyan, Weldy. Diyan din tayo tutuloy ngayong gabi.” pagbibigay naman nito ng impormasyon.

Muli ay tanging pagtango lang ang aking naisagot dahil sa panibagong kaalaman. Dahil din sa labis na pagkamangha ay agad kong nakalimutan ang inis ko sa kanya kanina.

“Enjoy your stay here, Sir!” nadinig kong wika ng babaeng sumalubong sa amin kanina nang makarating kami rito sa tutuluyan naming kwarto.

Halos gusto ko nang sumigaw dahil sa labis na tuwa sa buong lugar. Maganda ang kwartong para sa amin ni Oliver na nakatayo nga sa ibabaw ng dagat. Maliit lamang ito na sapat lang sa dalawang tao ngunit sadyang napakaganda talaga ng disenyo.

Nawala na sa aking isip na magpasalamat maging sa mga taong naghatid sa amin dito sa kwarto. Masyado na kasi akong nilamon ng labis na pagkamangha at hindi ko na rin napigilang libutin ang kabuuan nito.

“Weldy?!” nadinig kong pagtawag sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

“Daddy!!! Punta ka rito, bilis!! May swimming pool dito pero maliit!!” tuwang-tuwa kong pagtawag kay Oliver.

Naririto ako sa dulong bahagi ng aming kwarto, dito sa parte kung saan katabi ng swimming pool na aking tinutukoy ay ang dagat na mismo. Pwede na nga akong tumalon sa dagat magmula sa aking kinatatayuan, pero hindi ito ang tamang oras para gawin iyon dahil ayon kay Oliver ay marami pa raw kaming pupuntahan. Magmula rin sa aking pwesto ay natatanaw ko ang nilampasan kong malaking kama sa loob ng aming kwarto kanina.

Ilang sandali lang din ang aking hinintay nang dumating si Oliver habang suot ang malawak na ngiti niya. Inilapag niya muna ang bag na aming dala sa kama bago niya ako pinuntahan sa aking kinatatayuan.

“Ang tawag naman diyan, Weldy, jacuzzi. After natin magdinner mamaya, pwede nating gamitin ’yan kung gusto mo?” nakangiti niyang paliwanag sa akin.

“Aahhh… Jacuzzi…” reaksyon ko na namang tumatango.

Marami talagang mga bagong kagamitan akong nadiskubre sa lugar na ito. Mabuti na lamang at narito si Oliver para ipaliwanag kung ano-ano ang mga ito. Tinutupad niya talaga ang kanyang pangako –– ang ituro sa akin ang mga bagay na sa akin ay bago.

“Halika muna, Weldy. Lumabas muna tayo para mamasyal. Then after that, pumunta naman tayo sa Spa bago naman tayo magdinner.” pagyaya na ngayon sa akin ni Oliver habang nakalahad ang isa niyang kamay.

Tumango naman ako at inabot ang kamay niyang iyon.

Saglit lamang naming inayos ang mga dala naming gamit bago iwan ang kwarto naming iyon.

Magkahawak ang kamay namin ni Oliver ay sinimulan naming mamasyal sa ilang bahagi ng resort. Hanggang ngayon ay natutuwa pa rin ako sa mga tila bahay-kubo na nakatayo sa ibabaw ng tubig. Napakarami nito at magkakatabi na pare-pareho ang disenyo.

“Parang may mga kapit-bahay tayo, Daddy, ’no?” reaksyon ko habang pinagmamasdan pa rin ang mga bahay na iyon. Hindi ko maiwasan ang matuwa dahil sa aming tinitirahan sa Maynila ay magkakalayo ang agwat ng mga bahay.

Sa aking bawat pagkamangha, pagkatuwa, at mga katanungan ay laging nakaalalay si Oliver. Magmula sa pangalan at kung ano ang gamit o silbi ng mga bagay na aking nakikita ay naging matiyaga siya sa pagpapaliwanag.

Nagtungo kami sa sinasabi niyang Spa. Hindi ko alam kung ano ang gagawin namin doon hanggang sa matagpuan ko na lamang ang aming mga sarili na nakadapa sa maliit na kama.

“Sir, relax lang po kayo.” magalang na pakiusap sa akin ng babaeng hawak ngayon ang hubad na likod ko.

Hindi ko nagawang sagutin ang babaeng iyon na kanina pa sa akin paulit-ulit na nakikiusap. Gusto ko mang humingi sa kanya ng paumanhin ngunit hindi ko na iyon magawa dahil hindi na rin ako matigil sa pagtawa.

Habang nakadapa sa maliit na kama ay nakatapat din ang aking mukha sa pwesto kung nasaan si Oliver.

“Daddy!!!” may kalakasan at natatawa kong pagtawag kay Oliver. Sinusubukan kong kontrolin ang aking sarili na hindi gumalaw mula sa pagkakadapa.

Halos hindi rin makahinga sa kakatawa si Oliver habang pinagmamasdan ako. Kanina pa siya aliw na aliw sa nakikita niyang reaksyon ko. Nakadapa rin ito at tulad ko at may babae ring nakatayo sa kanyang tabi habang hawak ang likod nito.

“Bakit na naman?!” tanong nitong natatawa sa akin.

“Nakikiliti na talaga ako!!” sagot ko sa kanya at mas lumakas na ang pagtawa ko. “Ate!! Tama na po!! Nakikiliti na talaga ako!!” pakiusap kong tawa nang tawa sa babaeng minamasahe ang aking likod.

Ganito pala ang Spa na tinatawag. Ayon kay Oliver, mahalagang maranasan ko raw ito. Nakakatulong daw ito para maging maayos ang takbo ng dugo at hangin sa katawan ng tao. At dahil sa marami nga raw akong ginagawa sa bahay ganoon din siya sa ospital, mahalagang gawin namin ito ng regular. Sinabi rin niya sa akin na pagkatapos daw nito ay siguradong gagaan ang pakiramdam ko.

Marami pang ginawa sa aming katawan ang mga empleyado ng Spa na iyon. Magmula sa mukha hanggang sa buo naming katawan ay kung ano-ano na yata ang ipinahid nilang iba’t ibang uri ng langis at lotion na sinasabayan pa ng kanilang paghilot. Totoo naman ang sinabi ni Oliver na nakakaginhawa sa katawan ang pagmamasahe, pero ang hindi ko lang talaga kinaya ay ang pagmasahe sa aking likod dahil naroon ang aking kiliti.

“Akala ko, hindi na ako makakalabas nang buhay doon, Daddy, eh! Ang sakit ng tiyan ko sa kakatawa!” tumatawa ko pa ring pagkekwento kay Oliver habang naglalakad kami patungo sa restaurant kung saan daw kami maghahapunan. Doon din daw magaganap ang isang show na kanyang inaabangan.

Matapos naming magpunta sa Spa kanina ay saglit kaming bumalik sa aming kwarto para magpalit ng damit. Hindi na namin kinailangan pang maligo dahil nagawa na namin iyon sa Spa nang ilang beses. Pumasok pa nga kami sa isang kwartong napakainit na tinawag naman niyang Sauna bago naman kami naglublob sa jacuzzi na maraming lumulutang na bulaklak.

Natatawa si Oliver na hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko.

“Nag-enjoy ka ba?” tanong niya sa akin.

“Sobra, Daddy!! Time pers ko ’yon, eh!! Ang sarap pala magpamasahe, ’no?!” mabilis kong sagot sa kanya.

Saglit niyang binitiwan ang aking kamay para pisilin ang pisngi ko.

“Ang ibig mo bang sabihin is, ‘first time’ mo? Unang beses mong naranasan?” pagtatama niya sa aking sinabi.

Bahagya akong nakaramdam ng hiya dahil sa maling ingles na aking nagamit. Magkaiba pala ang ‘time first’ na ginagamit namin noon ng mga bata sa bahay-ampunan tuwing magpapahinga sa paglalaro, at sa ‘first time’ na nais kong sabihin.

“Uhmm… ’Yon nga, Daddy! First time ko nga!” pagsagot kong may alanganing ngiti dahil sa hiya.

Tumango si Oliver tanda ng pag-intindi. Napakatiyaga niya talaga sa akin.

“Hindi mo naman first time ’yon, Weldy. Ginagawa na natin ’yon dati. Hindi mo lang talaga maaalala dahil nabura ang memory mo.” sunod niya pang pagpapaintindi sa akin. Nakangiti pa rin siya ngunit ramdam kong nagbago ang kanyang tono, naging malungkot na ito.

Natigilan ako nang marinig ko ang bagay na iyon mula sa kanya. Dahil sa sobrang saya ko ngayon ay nawala sa isip ko ang aking pagpapanggap bilang kanyang asawa.

Ilang segundong katahimikan ang lumipas habang patuloy kaming naglalakad. Pareho kaming natahimik dahil sa magkaibang dahilan –– ako ay natahimik dahil sa isang katotohanan na tanging ako lang ang nakakaalam, samantalang siya ay natahimik dahil sa pag-aakalang nakalimutan ko ang aming nakaraan.

“Saan ba tayo kakain, Daddy? Nagugutom na kasi ako, eh. Inabot na tayo ng gabi sa pagpapamasahe.” pag-iiba ko ng usapan namin kanina at sinubukan kong tumawa. Ginawa ko rin iyon para mawala ang namumuong katahimikan sa aming dalawa.

Nilingon naman ako ni Oliver at muling hinawakan ang aking kamay.

“Malapit na tayo. Makakakain ka na rin sa wakas.” natatawa na rin niya ngayong sagot sa akin.

Kahit paano ay nabawasan ang alalahanin ko. Mukhang dahil sa naaaliw pa rin siya sa akin hanggang ngayon ay madali niyang nakakalimutan ang mga bagay na nakakalungkot.

“Reservation under my name, Oliver Santillan.”

“Yes. Good evening, Sirs. This way, please.”

“Thank you.”

’Yan ang naging maikling pag-uusap ni Oliver at ng empleyado ng restaurant na aming pinasukan.

Hindi ko alam kung hanggang kailan ba ako mamamangha sa lugar na ito. Lahat ng bagay at parte ng resort na ito ay lubhang napakaganda.

Ngayon ay nasa isang malawak na restaurant naman kami at mukhang napakasosyal. Mapapansin mong mamahalin ang bawat kagamitan. Maging ang ilang mga kumakain ay elegante sa kanilang mga kasuotan.

Ngayon ko napag-isip-isip kung bakit ganito ngayon ang suot namin ni Oliver. Pareho kaming nakaputing polo na medyo manipis ang tela at tinernohan naman ng puti ring short. Maging ang itim na tsinelas na suot namin ay gawa rin sa balat at medyo pormal.

Narating namin ang dulong bahagi ng restaurant na nasa tabing dagat. Sa parteng ito ay walang bubong kaya malaya naming nakikita ang buwan at mga bituing kumikinang.

Sa isang bilog na mesang sapat lang para sa dalawang tao ay may magarang pagkakaayos ito. May bulaklak sa gitna at may mga kandilang nasa loob ng magandang baso. May nakahanda na ring mga plato, kopita, at mga kubyertos ang nasa ibabaw nito. Wala rin tissue dahil mga telang puti ang naririto.

Iginaya pa ako ni Oliver na makaupo sa magandang silya hanggang sa ibigay sa amin ng empleyadong nakasuot ng amerikana ang listahan ng pagkaing kanilang inihahanda. Magkatapat ang aming pwesto kaya kahit lumingon ako sa paligid ay madali kong makikita kung may lalapit na namang babae sa kanya. Mabuti naman.

“Gusto mo bang ako na lang ang um-order ng food mo, Weldy?” tanong sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali.

“Sige, Daddy. Kahit anong ulam basta merong dalawang kanin. Ay, hindi pala! Tatluhin mo na pala.” sagot kong hindi nakatingin sa kanya. Habang nakikipag-usap kasi ako rito ay iniikot ko rin sa buong paligid ang paningin ko.

Napakaganda talaga nitong restaurant na nasa tabi ng dagat. May mga kumakain din sa ibang mesa at tahimik lang na nag-uusap. Isa pa sa mga napansin ko ay mukhang kainan lamang talaga ito para sa mag-asawa o magnobyo. Kaya nga siguro hindi na isinama ni Oliver ang aming mga anak dahil baka bawal sila rito.

Sa isang sulok nitong lugar ay mayroong tumutugtog ng piano. Hindi ko tuloy naiwasan ang mapangiti habang pinapakinggan ang ganda ng musikang hatid nito. Lalo pa itong naging napakasarap sa pakiramdam dahil sa preskong hangin na nagmumula sa dagat ang sumasalubong sa amin dito.

Naririnig kong nag-uusap si Oliver at ang empleyado tungkol sa aming kakainin ngunit hindi ko sila pinagtuunan ng pansin. Wala rin naman akong maintindihan kaya nanatili na lamang akong nakikinig sa napakasarap sa tengang tugtugin.

Nang makaalis ang empleyado na kumuha ng aming order ay naramdaman ko ang marahang paghawak ni Oliver sa kamay kong nakapatong sa ibabaw ng mesa.

“Hey, sa akin ka lang dapat tumingin, Weldy. Baka magselos na ako niyan kung ang pianist lang ang papanoorin mo buong gabi?” pagtawag nito sa aking pansin.

Doon ko lamang ibinalik ang tingin ko kay Oliver na ngayon ay nakangiti. Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya sa kanyang sinabi kaya hindi ko naiwasang mapangiwi.

“Naaaliw lang ako sa kanya, Daddy, dahil ang galing niyang tumugtog! Saka hindi niya makukuha ang atensyon ko dahil may asawa na ako! Mas gwapo pa sa kanya saka maalaga pa sa pamilya! May hahanapin pa ba ako sa iba?!” dire-diretso kong pagkontra sa kanya.

Natigilan si Oliver ngunit saglit lamang iyon. Nagtaka na lamang ako nang bigla siyang matawa nang bahagya. Nang magproseso sa aking isip ang mga binitiwan kong salita ay hindi ko naiwasan ang makaramdam ng hiya.

“Kikiligin na ba ako, Weldy?!” tanong niyang natatawa.

Hindi ako nakasagot sa kanya dahil sa pagkataranta. Hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili kung saan ko ba kinuha o hinugot ang mga binitiwan kong salita.

Akmang tatanggalin ko ang aking kamay na hawak ni Oliver para sana itakip sa aking mukha ay agad naman niya itong napigilan. Hinawakan niya iyon nang mas mahigpit kaya wala akong naging ligtas.

“Daddy, naman, eh!” maktol ko sa kanya. Naghahalo sa akin ngayon ang inis at hiya.

“Bakit ba?! Gusto ko lang naman hawakan ang kamay mo, ah?!” natatawa niyang buska sa akin.

Mapagkunwari talaga ’to minsan, eh! Hindi pa amining inaasar niya rin ako!

Sinubukan kong alisin muli ang aking kamay mula sa kanyang pagkakahawak, ngunit kahit anong pagtatangka ang aking gawin ay hindi ako magtagumpay dahil ayaw niya talaga itong bitiwan.

“’Wag mo nang alisin, Weldy! Saka bakit ka ba mahihiya?! Sa ’yo na rin mismo nanggaling, asawa mo ako! Normal lang na pakiligin mo ako!” paninita nito sa akin. “Isa pa nga?!” sunod pa nitong pang-aasar at nagawa pang kumindat.

Mabilis kong pinigilan ang aking sarili na mapangiti sa pamamagitan ng pagkagat sa ibaba kong labi. Pero kahit yata ang bagay na iyon ay hindi ko magawang itago kay Oliver. Nang makita niya kasi ang aking naging reaksyon ay mas lalo siyang natawa.

“Oh, my Weldy! Ngumuso ka na lang kesa pigilin mo ’yang pagngiti mo! Mas gusto kong nakikita kang nakanguso!” natatawa nitong pakiusap sa akin.

“Ganito ba?” tanong ko sa kanya at mabilis na ginawa ang utos niya. Ngumuso ako tulad ng nais niya.

Nang makita ni Oliver ang aking ginawa ay halos magwala na siya sa kakatawa. Mukhang sa paraang ito ay talagang napapasaya ko siya.

“Daddy! Ang ingay mo naman?! Tinitingnan na tayo ng ibang tao, oh?!” may pag-aalala kong pagsaway sa kanya. Dahil yata sa labis na pagkaaliw sa akin ni Oliver ay nawala na sa kanyang isip na hindi lang kami ang naririto sa lugar na ito. Nakukuha na namin ngayon ang atensyon ng ibang kumakain dito.

Sinubukang pakalmahin ni Oliver ang kanyang sarili mula sa pagtawa nang malakas. At nang bahagya na siyang nakabawi ay hinalikan niya nang paulit-ulit ang kamay kong hindi niya pa rin binibitiwan.

“Ang cute talaga ng asawa ko!!” aliw na aliw niya pa ring papuri sa akin.

Ngayon ko lang masasabi na kahit hindi namin kasama ang aming mga anak ay napakasaya ko. Tanging kay Oliver lang nakatuon ang aking atensyon at ganoon din siya sa akin.

Ganito pala ang ibig sabihin ng date? Iyong may pagkakataon kayong magkasama nang kayo lamang dalawa at wala kayong iisiping iba kundi ang mapasaya lamang ang isa’t isa? Masaya pala. Sobrang saya.

Dumating ang pagkain na para sa amin ni Oliver at masaya naming pinagsaluhan iyon. Nagsimula kami sa may sabaw na pagkaing hindi naman umabot sa aking lalamunan na nasundan ng pinaghalo-halong hilaw na gulay at tinawag niyang Chef’s Salad.

Si Oliver na rin ang naghiwa ng pagkain kong tinawag niyang steak dahil hindi naman ako marunong gumamit ng kubyertos na naririto. Tanging tinidor at kutsilyo na lamang ang naiwan sa mesa maliban pa sa maliit na kutsarang gagamitin naman daw namin sa dessert. Medyo nakaramdam na nga ako ng inis dahil ang daming dapat na gamitin dito para lang makakain. Para sa akin ay sapat na ang kutsara’t tinidor, pero heto, mukhang may batas sa pagkain dito.

Sa kabila ng napakahabang proseso ng pagkain sa restaurant na ito ay naging matiyaga naman si Oliver na ituro sa akin ang lahat. Iyon nga lang, nakakalito talaga dahil para sa akin ay pare-pareho lang ang mga ito at walang pinagkaiba.

“Let’s celebrate our first date ngayong nakabalik ka na, Weldy. Cheers?” tanong ni Oliver sa akin habang iniaangat ang hawak niyang kopita. May laman iyong klarong likido na medyo mabula.

“Ha?” tanong kong nagtataka pabalik sa kanya.

Ngumiti si Oliver tulad ng kanina niya pang ginagawa. Saglit niya ring ibinaba ang kopita na kanyang hawak at tiningnan ako nang diretso sa mga mata.

“Ang tawag dito, Weldy, champagne. Iniinom ito tuwing may espesyal na okasyon o kung may sine-celebrate. Kagaya ng wine, alak din itong matatawag dahil may halong alcohol kaya pwede kang malasing. At kapag inangat ito ng isang tao at itinapat sa ’yo, then sasabibin niyang ’ cheers ’, gagayahin mo lang kung ano ang ginawa niya at pagbabanggain n’yo ang mga baso ninyo.” mahaba niyang paliwanag sa akin.

“Aahhh…” muli kong reaksyon habang tumatango.

Kung ganoon, marami rin pala ang uri ng alak? Para kasi sa akin ay pare-pareho lamang ang mga iyon. Nakakalasing pa rin ang lahat ng iyon.

Muli pang ipinakita sa akin ni Oliver kung paano namin sisimulang inumin ang tinatawag niyang champagne. Ito ang kauna-unahang beses na makakainom ako ng alak kaya medyo nababahala ako. Sa kabilang banda, gusto ko rin naman subukan para malaman ko ang lasa nito.

“Kamusta ang lasa?” tanong sa akin ni Oliver matapos naming inumin ang champagne.

“Aacckk! Kakaiba, Daddy! Pero medyo matamis kaya ayos lang naman! Masarap din naman!” reaksyon kong medyo nakangiwi.

Masarap naman iyon, parang soft drinks nga lang. Medyo nanibago lang ako dahil tila ba kumakalat ang lasa nito sa bawat sulok ng bibig ko.

Nagpatuloy kami sa pag-inom ni Oliver hanggang sa ang isang baso ay nasundan pa ng tatlo. Kung noong una ay napapangiwi pa ako sa champagne dahil sa paninibago, sa mga sumunod kong inom ay parang gusto ko nang ubusin ang isang bote nito. May kakaibang init kasi itong naibibigay sa katawan na nagsisilbing proteksyon sa lamig ng hangin malapit dito sa karagatan.

Nagsimula ang inaabangang show ni Oliver. Ang iniisip ko ay show ito tulad noong birthday ni Kryz na may mga payaso na nagpapamalas ng mahika, pero napataas ang isang kilay ko dahil isang babaeng mang-aawit ang umakyat sa maliit na entablado para kumanta ng mga lumang tugtugin dito.

Nakikita kong lahat ng tao rito ay natutuwa kabilang na ang aking asawa. Ang sabi ni Oliver, sikat na sikat daw ang mang-aawit na iyon hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Hindi na lamang ako nagkomento dahil hindi ko talaga kilala ang taong iyon. Maaaring ang mga nakakakilala lang doon ay ang mga taong may sinabi sa buhay o iyong mga sosyal. Sa isip ko nga, mas gugustuhin ko pang pakinggan at panoorin ang piyanista kanina.

Marahil ay napapansin ni Oliver na medyo naiinip na ako at hindi nakikitaan ng interes sa panonood. Nang mangalahati kasi ang palabas ay agad na ako nitong tinanong.

“Weldy, are you okay? Gusto mo na bang bumalik tayo sa room natin?” tanong niyang may pag-aalala.

Gusto ko sana siyang sagutin ng ‘oo’ ngunit pinigilan ko. Nakikita ko kasing nasisiyahan siya sa kanyang pinapanood.

“Hindi, Daddy. Tapusin natin ang palabas ni Ate.” pagtanggi ko sa kanya na may pilit na ngiti. Tinutukoy ko rin ang palabas ng babaeng mang-aawit.

“Are you sure?” tanong niya pa ring nag-aalala. “Or baka naman gusto mo pang um-order tayo ng food? Nagugutom ka na ba ulit?” sunod- sunod pa nitong pagtatanong.

Umiling ako nang maraming beses bilang pagtanggi. Busog na busog na kaya ako! Ang dami na nga naming nakain, eh!

“Daddy, pwede bang um-order na lang ulit tayo ng inumin? ’Yong kasing-sarap sana ng champagne? Gusto ko kasing subukan ang iba, eh.” medyo nahihiya kong pakiusap sa kanya.

Wala naman kasi akong magagawa rito habang hinihintay na matapos ang palabas. Ayaw ko naman maputol ang kasiyahan ni Oliver sa panonood dahil lang sa pansarili kong dahilan. Kahit man lang sa bagay na ito, maiparamdam ko sa kanyang kaya ko siyang suportahan.

Saglit na natigilan si Oliver dahil sa pag-iisip. Marahil ay gusto niyang makasiguro kung seryoso ba ako sa aking sinabi.

“Okay… Ako na lang ang pipili ng iinumin mo. Mild lang dahil baka malasing ka?” pagsang-ayon na rin nito sa wakas.

Kasunod ng pagpayag ni Oliver ay inangat niya ang kanyang isang kamay para tawagin ang empleyadong malapit sa amin.

“Pakibigyan mo nga kami ng Mojito, please? Pakidagdagan na lang ng dash of simple syrup para mas matamis. Also, double shot of Johnny Walker Blue Label on the rocks na rin, please?” pakisuap ni Oliver sa empleyado nang makalapit ito.

“Certainly, Sir.” magalang naman na sagot ng empleyadong iyon.

Saglit lang ang aming hinintay ni Oliver nang dumating ang aming order. Namangha pa ako sa aking inumin dahil may mga dahon itong halo.

“Kuya!” pabulong pagtawag sa empleyado. “Bigyan mo pa nga ako nito? Ang sarap, eh!” utos kong muli sa empleyado nang maubos ko ang tinatawag ni Oliver na Mojito.

Abala pa rin si Oliver sa panonood ng kumakantang babae sa entablado habang sinasabayan ang pag-inom ko. Ang sabi niya sa akin, tawagin ko lang daw ang empleyado kung may nais akong hingiin. Kaya heto, humingi pa ako ng isang baso ng Mojito.

“Kuya! Isa pa po!” paghingi ko na naman matapos kong inumin ang  pangalawang baso.

“Isa pa po, Kuya! Salamat po!” muli kong pag-order.

Hindi ko na alam kung ilang beses ba akong nakahingi ng alak na iyon sa empleyado nitong restaurant. Ang tanging alam ko lang, habang tumatakbo ang oras ay napaparami na rin ako ng inom.

Kaya naman nang matapos ang palabas….

“Daddy… Bakit gano’n..? Shumashayaw ang paligid… Lumilindol, Daddy… Nahihilo ako…” hindi ko maiayos na pagsasalita habang akay ako ni Oliver. 

“Dahan-dahan, Weldy. Bakit kasi um-order ka nang um-order? ’Pag tinatanong naman kita kanina kung ayos ka lang, sinasabi mong, ‘oo’. Kaya ang akala ko hindi ka pa lasing!” pakikipag-usap sa akin ni Oliver. Dama ko ang pinaghalong pag-aalala at pagsisisi rito.

Kung gano’n, ganito pala ang pakiramdam ng nalalasing? Nahihilo ako at hindi maganda ang pakiramdam ko. Ramdam kong bumibigat ang talukap ng aking mga mata ganoon din ang aking buong katawan kaya hindi na ako makapaglakad nang maayos.

Tinutumbok na namin ngayon ang daan pabalik ng aming kwarto sa resort na ito. Nakasampay sa balikat niya ang isa kong braso habang hawak din niya ito. Ang isa naman niyang kamay ay nasa aking bewang para maalalayan pa ako.

“Okay naman ako kanina, Daddy, eh… Nahilo lang ako noong tumayo na tayo… Hik!” paliwanang ko naman sa kanya at natawa sa huli.

Hindi ko alam ang dahilan ng pagtawa kong iyon. Wala namang nakakatawang nangyayari pero nakakaramdam ako ng saya ngayon.

“Halika nga rito! Sumakay ka na lang sa akin para hindi ka na mahirapan!” utos niya sa akin makalipas ang ilang sandali.

Parang nauubusan ako ng lakas sa mga sandaling ito kaya wala akong nagawa kundi ang magpadala sa bawat paggaya sa akin ni Oliver. Maingat niya akong ipinuwesto sa kanyang likuran hanggang sa buhatin niya ako sa pamamagitan ng pagpasan.

“Yakapin mo lang ang leeg ko, Weldy. ’Wag kang bibitiw dahil baka malaglag ka?” utos nito sa akin.

Muli akong natawa kahit hindi ko alam ang dahilan.

“Shige, Daddy… Gusto mo, yakapin pa kita hanggang bukas, eh…” hindi ko maituwid na pagsasalita habang may malawak akong ngiti. Ginawa ko rin iyon habang nakasubsob ang aking mukha sa leeg ni Oliver.

Narinig ko ang nakakahalinang pagtawa ni Oliver at napailing pa ito nang bahagya. Kasunod nito ay ipinagpatuloy na rin niya ang paglalakad habang sakay niya ako sa kanyang likod.

“Are you teasing me, Weldy?” tanong sa akin ni Oliver.

“Teashing..?” tanong ko naman pabalik. Hindi ko kasi naintindihan ang ibig niyang sabihin.

“Mmmm…” sagot naman niya na sinamahan pa ng marahang niyang pagtango.

“No, Daddy… No teashing…” sagot ko naman sa kanya. “Pero may kisshing…” dugtong ko pa at hinalikan ko ang kanyang leeg.

Hindi ko alam kung anong pumasok sa aking isip para gawin ang bagay na iyon kay Oliver. Masyado yata akong nadala sa kanyang bango dahil nanatiling nakadikit ang mukha ko sa leeg nito.

Natawa si Oliver ngunit tila ba kakaiba iyon sa lahat ng tawang napakinggan ko mula sa kanya. Mahina ito at tila ba nakikiliti siya sa mga oras na ito.

“Stop it, Weldy!! Or else…..” pagsaway niya sa akin na siyang ikinatawa ko rin. Natawa ako dahil ‘stop’ lang ang naintindihan ko.

Nagpatuloy pa sa paglalakad si Oliver at hindi ko siya nakikitaan ng panghihina kahit pa sakay ako ng likod nito. Kung sabagay, malaki naman ang katawan niya kumpara sa katawan ko kaya hindi na rin nakakapagtaka ito. At habang patuloy siya sa mga paghakbang, patuloy rin akong humahalik sa pisngi at leeg niyang humahalimuyak sa kabanguhan.

“Daddy… Ang bango mo talaga…” paulit-ulit ko ’yang sinasambit sa pagitan ng aking bawat paghalik.

Wala namang nagawa si Oliver kundi ang matawa na lamang sa aking pangungulit.

“Dahan-dahan lang.” utos sa akin ni Oliver habang inaalalayan akong makahiga sa aming kama. “Damn! Mas makulit ka pa sa akin ’pag malasing!” natatawa niya pa ngayong dugtong.

Tulad kanina, natawa na naman ako kahit walang dahilan. Walang tigil ko iyong ginawa hanggang sa tanggalin na niya ang aming mha tsinelas.

“Dito ka lang, okay? Ikukuha lang kita ng damit para makapagpalit ka.” bilin nito sa akin habang pinupunasan ang pawis sa noo ko.

Alam ko ang mga nagaganap, alam ko ang mga ikinikilos ko, ngunit ang hindi ko maintindihan sa aking sarili ay tila ba nawalan ako ng hiya sa mga oras na ito.

“Shandali lang kashi, Daddy…” bigla kong pagpigil sa kanya at hinila ang suot na polo nito.

Napalakas yata ang pagkakahila kong iyon dahil nasaksihan ko pa kung paano siya nagulat nang mutik nang sumumsob ang mukha niya sa akin. Kaya ngayon, ilang pulgada na lamang ang pagitan ng mga mukha namin.

Nakapagbitiw na naman ako ng mahinang pagtawa habang pinagmamasdan ko ang reaksyon niya.

“Bakit ang gwapo mo, Daddy..? Ang bango-bango pa… Bakit hindi tayo magkatulad..? Panget kashi ako… Cute daw ako sabi nina Marl at Kryz, pero hindi ako naniniwala kasi alam kong ayaw lang nila akong umiyak…” tila ba pagsusumbong ko sa kanya habang natatawa.

Nawawala na yata talaga ako sa katinuan dahil wala nang kwenta ang lumalabas sa aking bibig. Sa hindi ko pa malamang dahilan, nagkaroon ng mabilis na pagbabago ang aking nararamdaman. Nang magbalik kasi sa aking isip ang huli kong mga salita ay nakaramdam ako ng labis na lungkot. Kaya kahit hindi ko gustuhin, mabilis na naipon ang mga luha ko sa aking mga paningin.

Ganito ba ang epekto ng alak na nainom ko? Mabilis na nag-iiba at nagiging halo-halo ang nararamdaman ko.

“Walang maganda sa akin, Daddy… Bobo nga ako, ’di ba..? Tanga… Walang alam…” umiiyak ko nang pakikipag-usap kay Oliver. “Kaya nga siguro noong bata pa ako… W-walang gustong umampo –– hhmmpp!”

Hindi ko na naituloy ang mga sinasabi ko. Habang nasa kalagitnaan ako ng pag-iyak at pagsusumbong kay Oliver ay pinutol niya ako. Pinigilan niya ako sa pamamagitan ng paghalik sa labi ko.

Napapikit kaming pareho habang magkadikit ang mga labi naming iyon. Ganitong-ganito ang nangyari sa amin noong siya ay malasing. Nagbalik na naman sa aking ala-ala nang matikman ko ang una niyang halik. At muli, naramdaman ko ang sikmura kong tila kinikiliti.

May ilang segundo lang na nagdikit ang aming mga labi hanggang sa siya ay bumitiw. Tiningnan ako ni Oliver at gumuhit sa kanya ang tipid na ngiti.

“Weldy, you’re beautiful inside and out. Always remember that. Everything about you is so perfect. Naiintindihan mo?” masuyo niyang pakikipag-usap sa akin.

Nang marinig ko iyon ay mas lalo nang nag-unahan ang mga luha ko.

“H-hindi, Daddy… Tagalugin mo naman… ’Wag naman english, pleass…?” umiiyak kong pakiusap sa kanya.

Ang inaasahan ko ay tatawa siya dahil sa aking sinabi, pero nasorpresa ako nang muli niya akong halikan sa labi.

“Ang sabi ko, maganda ka sa labas at loob.Cute ka kagaya ng sinasabi ng mga anak natin. Maganda ka rin dahil mabuti ang puso mo. Lahat sa ’yo maganda. Perpekto ka sa paningin ko at ng mga bata. Wala na kaming hahanapin pa dahil lahat, nasa ’yo na.” mas masuyo na niyang paliwanag sa akin. “Kaya ’wag ka nang umiyak, please?” sunod pa nitong pakiusap habang pinulunasan ang aking mga luha gamit ang kanyang daliri.

Naparami nga yata talaga ang nainom ko dahil sa kakaibang epekto nito. Matapos ko kasing marinig ang mga salitang iyon ni Oliver ay nagbalik ang nag-uumapaw na saya ko. Muli akong ngumiti nang malapad habang nakatingin sa gwapong mukha ng asawa ko.

Inangat ko ang aking isang kamay para haplusin ang kanyang mukha. Marahan iyon at pinaramdam ko ang labis na pasasalamat.

Napangiti si Oliver dahil sa aking ginawa. Ibinalik niya rin sa akin ang kanyang nagliliwanag na paningin at paulit-ulit na hinalikan ang aking palad na nasa kanyang pisngi.

Pinagsawa ko ang pagtitig sa bawat parte ng kanyang mukha at ganoon din ang ginawa niya sa akin. Dahil sa malamlam na ilaw na naririto sa aming kwarto ay nakikita ko ang magagandang mata ni Oliver na tila isang salamin. Iba rin ang ekspresyong ipinapakita nito dahil tila ba may pakikiusap dito.

Hindi ko alam kung epekto pa rin ba ng alak ang dahilan para kusang gumalaw ang katawan ko. Habang nakatitig kasi ako kay Oliver ay natagpuan ko na lamang ang aking sarili na hinila siya para muling magtagpo ang labi naming dalawa.

Naramdaman ko ang pagkabigla kay Oliver dahil sa aking ginawa, pero sa halip na bigyan siya ng pagkakataon na makapagtanong ay mas idiniin ko ang paghalik sa kanya. Inilagay ko na rin ang aking mga braso sa kanyang leeg para hindi na siya makawala pa.

Ayaw ko. Ayaw kong maghiwalay ang labi namin dahil tila ba bigla akong nauhaw rito. Ang hindi ko pa maipaliwanag sa aking sarili ay tila ba may nagtutulak sa akin na ipagpatuloy at gawin ang isang bagay na mas higit pa rito. Ngunit, ang hindi ko lang masagot ay kung ano ang bagay na iyon.

Sa mga naging paghalik namin ni Oliver dati ay siya ang nauunang kumikilos, ngunit sa pagkakataong ito ay nagulat din ako sa aking sarili nang ako mismo ang magpakita ng motibo. Iginalaw ko ang aking labi na tila nagugutom na hayop sa mga oras na ito. Hindi naman ako binigo ni Oliver dahil ibinalik niya iyon sa akin tulad ng nais ko.

Mas naging madiin. Mas naging mapusok din ito lalo na nang magtagpo ang aming mga dila at sa isa’t isa ay nakipaglaro. Nakikita ko pa ang hibla ng aming mga laway tuwing bahagyang maghihiwalay ito ngunit may kakaibang hatid ito sa kalooban ko. Naghahatid ito ng kakaibang init sa katawan na posibleng hanap-hanapin ko.

Nagpatuloy pa kami sa paghalik ni Oliver hanggang sa maging ang aming mga kamay ay kusang kumilos para haplusin ang isa’t isa. At habang nangyayari ang bagay na iyon ay naramdaman ko ang pag-akyat ni Oliver sa kama para pumwesto sa aking tapat nang nakadapa.

Hindi ako nabahala sa bagay na iyon. Sa katunayan, may kung ano sa akin na nagnanais na magdikit ang aming mga katawan.

Naririto na naman ang pakiramdam na kinakapos ako ng hininga. Nandito na naman sa aking dibdib ang tila isang malaking apoy na nagliliyab dahilan para mapadiin ang pagkapit ko sa likod niya.

Bumitiw si Oliver sa paghalik sa aking labi para tunguhin ang aking pisngi. Napapikit na lamang ako at napakagat ng ibabang labi nang libutin niya ito hanggang sa makarating sa aking leeg.

“D-daddy…” namamaos kong boses na pagtawag sa kanya habang nakapikit.

Hindi tumugon si Oliver dahil mas pinagbuti niya ang paghalik sa aking leeg. Dahil din sa ginawa niyang iyon ay hindi ko napigilan ang maglabas ng kakaibang tinig.

“Uuuhhhmmppp!!” tila pagpigil ko sa aking hininga dahil sa husay ng kanyang ginagawa.

Dinama ako ang bawat paghalik sa akin ni Oliver. Nakaramdam na rin ako ng tila pananabik dahil sa pagbalik-balik niyang paghalik sa aking tenga at leeg.

Hindi ko alam kung ilang minuto na ba namin iyong ginagawa dahil parang nawala na ako sa katinuan. Namalayan ko na lang na nasa loob na pala ng suot kong polo ang kamay niya habang hinahaplos ang dibdib ko nang marahan.

“D-daddy, sandali…!” nabibigla kong reaksyon habang naghahabol ng hininga ko. Bahagya ko rin siyang inilayo mula sa akin para makita ko ang ekspresyon nito.

Hindi ko inaasahan ang ganoong pakiramdam. Napasinghap kasi ako nang maramdaman ko ang kamay ni Oliver na nasa maselang bahagi ng aking dibdib at ito’y pinalalaruan. Dahil din sa nangyari ay tila ba biglang nawala ang aking kalasingan.

Natigilan si Oliver at rumehistro sa kanya ang pagkabigla. Tila ba natauhan din siya kaya napahinto ito sa kanyang ginagawa.

“I… I’m… I’m sorry…” nauutal nitong sambit makalipas ang ilang minuto at napayuko.

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot sa paghingi niya ng kapatawaran. Ramdam ko sa kanyang tinig ang labis na pagsisisi at kalungkutan.

Alam ko na ang mangyayari. Alam ko na kung saan ito mauuwi. Pero, handa na ba ako? Kailangan ko ba talagang ibigay sa kanya ang bagay na ito? Hindi ako si Weldy. Hindi ako ang asawa niya. Hindi ako ang karapat-dapat na magkaloob ng bagay na sila lang dapat na dalawa ang gumagawa.

Hindi na gumalaw pa si Oliver ngunit nanatili kami sa dating posisyon hanggang sa magsalita muli siya.

“I’m sorry, Weldy… Alam kong nangako ako sa ’yo na hihintayin ko ang pagbabalik ng ala-ala mo… Sorry kung hindi ko napigilan at nagpadala ako… Please, ’wag mo naman sanang isipin na sinasamantala kita… Nami-miss lang kasi kita… Miss na miss na kita… Kasi… Kahit ilang buwan na ang nakakalipas simula nang magising ka at ilang buwan na kitang kasama… Pakiramdam ko… P-pakiramdam ko, ang layo mo pa rin… Gusto ko nang bumalik ka sa dati pero habang tumatagal, parang nagiging imposible…” mahaba at napakalungkot niyang litanya.

Parang hinahati sa pira-piraso ang puso ko habang pinapakinggan siya. Ramdam ko ang labis niyang pangungulila. Hindi man niya ipakita, alam kong hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin siya ng kakulangan.

Naguguluhan na ako. Ang lalaking ito na walang ginawa kundi ang maging mabuting ama para sa kanyang pamilya, hindi ba dapat ay nakakaramdam din ng saya? Hindi ba dapat, napapalitan din ang mga sakripisyo niya?

Lahat ay ginagawa niya para lang mapasaya ang mga anak niya. Wala siyang reklamo, at kahit minsan ay hindi ko siya narinig na dumaing kahit pa alam kong napapagod na rin siya. Ganoon siya magmahal sa dalawang supling niya.

Sa parte ko naman, wala siyang ginawa kundi ang tulungan ako sa lahat ng bagay. Siya ang nagmulat sa akin sa mundo. Siya ang nagturo at nagpuno sa akin ng mga kakulangan ko. Higit sa lahat, siya ang kauna-unahang tao na nagparamdam sa akin na katanggap-tanggap ang isang tulad ko. Binigyan niya ako ng pamilya. Siya ang naging daan para magkaroon ng katuparan ang pangarap ko simula pa pagkabata.

Muling inangat ni Oliver ang kanyang mukha hanggang sa magtagpo ang aming mga mata. Sinubukan niyang ngumiti ngunit ito ay napakatipid.

“Again, I’m sorry, Weldy… Hayaan mo, sa susunod, susubukan kong magpigil… I’m really sorry… ’Wag ka sanang magalit sa akin… ’Wag sanang magbago ang tingin mo sa akin… Dahil ’pag nangyari ’yon, hindi ko alam kung kakayanin ko pang magpanggap na masaya kahit sa harap ng mga bata…” muli nitong paghingi ng tawad at paliwanag.

Matapos niyang sabihin ang mga salitang iyon ay dahan-dahan siyang kumilos para bahagyang maghiwalay ang aming mga katawan. Nararamdaman ko na rin ang unti-unting pag-alis ni Oliver sa kamay niyang nasa loob ng aking damit.

Pero bago pa iyon mangyari….

“Daddy, sandali,” pagpigil ko sa kanya at hinawakan ang kamay niyang nasa loob ng aking polo. “Gawin mo. Gawin natin. Gawin natin dahil ako ang asawa mo. Ako dapat ang nagbibigay no’n sa ’yo. Gusto kong mapasaya ka. Gusto kong mapaligaya ang taong nagbibigay sa akin ng halaga.” sunod ko pang utos sa kanya.

Nasaksihan ko kung paano namilog ang kanyang mga mata dahil sa pagkabigla. Hindi siya nakapagsalita at tanging pagtitig lang sa akin ang kanyang nagawa.

Sa halip na bigyan siya ng pagkakataon na makapagtanong, agad akong kumilos para ilagay ang aking isang kamay sa kanyang batok. Kasunod nito ay inilapit ko siyang muli sa akin para magbalik kami sa paghalik nang mapusok.

Ipinikit ko na ang aking mga mata nang magdikit ang labi naming dalawa. Sa umpisa ay ay hindi pa siya gumagalaw dahil pa rin sa pagkabigla, pero makalipas lang ang ilang sandali ay ipinagpatuloy na rin nito ang kanina niyang ginagawa — muli niyang hinaplos ang aking dibdib habang ginagantihan ang mainit kong paghalik sa kanya.

Desidido na ako. Mali man ang desisyon kong ito, handa na ako sa magiging kaparusahan ko.

Ramdam ko na, gagawin ko ang lahat para sa lalaking ito.

Nakumpirma ko na rin sa aking sarili, mahal ko na ang huwad na asawa ko.

(A/N: Ooppss! Sorry po! Kailangan nating putulin ang maselang tagpo ng chapter na ito. Pero kung nais n’yong mabasa ang detalyadong eksena, pakihanap lamang po sa aking profile ang nakahiwalay na book nito. ‘RESTRICTED CHAPTERS’ po ang title na hindi maaaring mabasa ng minors. Naroon din po ang instruction kung paano mababasa ito. Maraming salamat!)

  ![](https://img.wattpad.com/efce00d61060b939572f5e6fdf4fbb78a41028b5/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f4f42343369784c6d4548304c74673d3d2d3438353338343831312e313532643962656535386435336165623331363432373333303232382e6a7067)

Habol pa rin ang hininga naming pareho ay narating namin ang langit na sinasabi ni Oliver. Hindi pa rin siya umalis mula sa pagkakapatong sa akin. Naroon pa rin ang kanyang kabuuan sa aking loob hanggang sa magbitiw siya ng matamis na ngiti.

“I love you, Weldy… Mahal kita… Mahal na mahal at walang nagbago simula noong una kitang makilala…” malambing niyang pagsasalita.

Nasorpresa ako sa kanyang mga naging kataga. Ito ang kauna-unahang beses na narinig ko iyon mula sa kanya. Hindi lang iyon, siya ang kauna-unahang tao na nagbitiw sa akin ng ganoong salita maliban pa sa mga anak niyang nakasanayan na rin iyong sabihin sa akin.

Hindi ko maipaliwanag, pero sa kabila ng hapdi at sakit ngayon ng aking katawan ay mabilis iyong naibsan. Napakasimpleng mga salita ngunit napakasarap pakinggan. Napaiksi ngunit tila maraming nilalaman.

Nag-uumapaw na saya ang aking nararamdaman. Nangilid ang aking mga luha at isang matamis na ngiti ang aking pinakawalan.

“I love you too, Daddy…” mangiyak-ngiyak kong sagot sa kanya.

Hindi ko alam kung epekto ba ng sinabing iyon sa akin ni Oliver kaya nagawa kong bigkasin nang tama ang mga salitang iyon. Iba talaga ang epekto sa akin ni Oliver. Lubha talaga siyang makapangyarihan dahil nagagawa niya akong turuan nang hindi nahihirapan.

Nang marinig ni Oliver ang aking sagot ay mas lumapad ang pagkakangiti nito.

“Ang tagal kong hinintay na marinig ’yan sa ’yo… Hindi mo lang alam kung paano ako araw-araw na nagdadasal na sana, maulit ang mga araw noong sinasabihan mo ako niyan… Thank you, Weldy… I love you… I love you… I love you…” emosyonal niyang pagsasalita at muling inabot ang aking labi para mahalikan ito.

Napapikit ako nang magdikit muli ang aming mga labi. Dama ko ang kasiyahan ni Oliver. Dama ko ang nag-uumapaw niyang saya dahil sa naganap sa pagitan naming dalawa.

Ngayon ko masasabing wala akong pinagsisisihan sa nangyari. Ngayon ko masasabing isang tagumpay para sa akin ang naganap na ito sa amin.

Napasaya ko si Oliver at napasaya niya rin ako. Narinig ko ang pinakamagandang salita mula sa kanya at nasuklian ko rin iyon.

Masasabi ko rin sa mga sandaling ito, ito na ang pinakamasayang araw ng buhay ko. Ang hiling ko na lang, sana ay hindi na matapos ito. Sana ay maging tuloy-tuloy na lang ito.


A/N

Sorry na sa false alarm noong nakaraan! Hahahaha! Labyu  guys!

Mas lalong matatagalan ang susunod kong update, guys. Iyon ay dahil sa may pinaghahandaan ako. Salamat sa mga makakaunawa. Labyu!

Para kay

DJ_Deccao

ang chapter na ito. Siya rin ang gumawa ng cover na bumungad sa inyo at iyong nasa Restricted Chapter. Check his profile na rin po kung naghahanap kayo ng new story na mababasa sa Watty. Thanks, dear! ❤

Salamat sa mga patuloy na nag-aabang! Sa mga walang sawang bumoboto at nagkokomento, maraming salamat sa inyo! Mahal ko kayo! ❤

–– cold_deee ❤

05.11.2018

Chapter 17


FRANCE POV

“I love you, Weldy… Mahal kita… Mahal na mahal at walang nagbago simula noong una kitang makilala…”

“I love you too, Daddy…”

Muli kong narinig ang mga katagang iyon nang imulat ko ang aking mga paningin.

Saglit akong natigilan at natulala dahil sa pag-iisip. Binalikan ko ang mga kaganapan kagabi. Kung paano kami nagtungo sa islang ito ni Oliver at kung paano naganap ang aming unang date. Kung paano namin sinulit ang oras na magkasama at nauwi sa aking paglalasing. At ang pinakahuli ay kung paano kami nagniig.

….

……

………

Nagniig?

Kami?

N-nagniig ang dalawang lalaki..?

Nang maiproseso na ng aking isip ang buong pangyayari ay tuluyan na akong nagising. Nanlaki ang aking mga mata at naibuka ko pa ang aking bibig. Nilingon ko pa ang aking tabi para makasiguro ngunit wala roon si Oliver.

“Daddy!! Nasaan k–– A-aray….” tangka ko sanang pagsigaw at umahon mula sa pagkakahiga ngunit hindi na iyon nangyari pa. Agad ko rin kasing naramdaman ang sakit ng buo kong katawan partikular na ang aking likuran.

Dahil sa nangyari ay muli akong nagbalik sa pagkakahiga sa malambot na kama. Mabilis ang aking mga paghinga habang tulala at inaalala ang nangyaring pag-iisa namin ng aking asawa.

“Hala…? A-ang butas ko… Kaya pala masakit, eh…” reklamo ko at naitakip ko ang aking mga mga palad sa aking mukha.

Kung kanina ay gusto kong tawagin si Oliver, ngayon ay parang ayaw ko muna siyang makita. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pag-aalala sa oras na magkaharap kaming dalawa. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin o kung sa paanong paraan ko siya kakausapin.

Gusto kong isipin na isang panaginip lamang ang nangyari, ngunit nang silipin ko ang ilalim ng kumot na bumabalot sa aking katawan ay parang gusto ko na lang umiyak. Nakumpirma kong isang katotohanan ang naganap dahil bumungad sa akin ang hubad kong katawan.

“Ang landi mo, France… Napakalandi mo…” bulong kong paninisi sa aking sarili.

May ilang segundo pa ang lumipas nang masorpresa naman ako sa pagbukas ng pintuan na malapit sa aking hinihigaan.

“Weldy?! Anong nangyari?!”

Halos lumuwa ang aking mga mata habang pinagmamasdan si Oliver na lumabas mula sa banyo. Basa ng tubig ang buo nitong katawan at may hawak siyang tuwalya na naging proteksiyon para takpan ang pag-aari nito. Iyon lang ang bukod-tanging nakatakip sa kanya kaya litaw na litaw ang napakagandang hubog ng katawan niya.

Agad akong nataranta. Hindi ko alam ang dapat gawin hanggang sa matagpuan ko ang aking sarili na nagtago sa ilalim ng kumot.

Bakit siya lumalabas sa banyo nang nakahubad?! Hindi man lang ba siya nahiya?!

“May problema ba, Weldy? Narinig ko na parang tinawag mo ako?” tanong nito sa akin. Naramdaman ko rin na papalapit na siya sa akin base sa kanyang boses.

Sinubukan kong sumilip sa dulo ng kumot at nakita kong takip pa rin niya ng tuwalya ang pribado niyang parte. Kaya naman dahil pa rin sa pagkataranta ay muli akong nagtago sa ilalim ng kumot upang makaiwas sa isang pagkakasala.

“Daddy, naman?! Hindi ka man lang ba magtatakip ng katawan?! Napakalaswa!” buska ko kay Oliver habang nagtatago.

Narinig ko ang kanyang pagtawa, kasunod nito ay naramdaman kong umupo siya sa kama upang tumabi sa aking hinihigaan.

“Why?!” tanong niyang natatawa pa rin.

Hindi ko magawang sagutin ang kanyang katanungan kahit pa naintindihan ko iyon. Nagbalik kasi sa aking isip ang hitsura niya kagabi na walang ano mang saplot.

Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang kamay ni Oliver na inilibot sa aking bewang. Kasunod nito ay naramdaman ko ang kanyang hininga sa aking tainga.

“Weldy, naman..? Para namang hindi mo pa ’to nakita..? Kagabi nga lang, ’di ba..?” mapang-akit at nanunukso niyang bulong.

Mabilis na nag-init ang aking mukha dahil sa hiya.

“Nakakainis ka, Daddy! Tumigil ka nga!” pag-awat ko sa kanya habang pinapalo ang braso niya. Ginagawa ko iyon habang nasa ilalim ng kumot ang aking kamay kaya parang balewala rin ang pananakit ko sa kanya. Pakiramdam ko tuloy ay naglalandi lang ako talaga.

Muling umalingawngaw ang tawa ni Oliver sa buong kwarto. At kahit nasa ilalim ako ngayon ng kumot, nararamdaman ko ang labis na kaligayahan nito. Kaya sa kabila ng aking inis ay mabilis iyong napalitan ng ngiti ko.

“Weldy…” malambing na pagtawag sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali. Niyakap niya rin ako nang mas mahigpit.

“B-bakit..?” nauutal ko namang tanong pabalik.

“I love you…” 

Hindi ko inaasahan ang mga kataga niyang iyon. Para akong isinayaw sa alapaap nang sambitin niya ang mga salitang iyon. At kahit pa narinig ko na iyon kagabi mula sa kanya ay tila ba napakasarap pa rin ulit-ulitin no’n.

Dahan-dahan ay kumilos ako para ibaba ang kumot na aking pinagtataguan hanggang sa ilabas ko ang mga mata ko. Nanatili namang nakatakip ang aking ilong at bibig gamit pa rin ang kumot. Doon ay natagpuan ko si Oliver na nakatitig sa akin habang magkalapit ang aming mukha. Suot niya ang napakaganda niyang ngiti tanda ng labis na saya.

Hindi ko maipaliwanag, pero nang masilayan ko ang mukha niyang iyon ay gusto kong maiyak sa tuwa. Ngayon ko lang siya nakitang ganito kasaya. Ngayon niya lang ipinamalas sa akin ang ganoong ngiti niya. At aaminin ko, lubha akong nadala. Mayroon sa akin na gusto kong manatili ang ganoong ekspresyon niya.

“I love you too, Daddy…”

Iyan na lang ang lumabas sa aking bibig sa tono kong malambing. Siniguro ko rin na hindi napuputol ang aming mga tingin.

Mas lalong nagliwanag ang mga mata ni Oliver. Tila ba tulad ko, gusto na rin niyang maiyak dahil sa saya ngayong mga oras na ito.

May ilang segundo pa kaming nakatitig sa isa’t isa hanggang sa halikan niya nang dahan-dahan ang aking noo.

“Maligo ka na. Magbreakfast muna tayo bago natin balikan ang mga anak natin. I’m sure nami-miss ka na nila.” malambing na nitong utos sa akin nang makaahon siya nang bahagya.

Dahil sa kanyang sinabi ay nagbalik sa akin ang pag-aalala.

“P-pero, Daddy… M-masakit ang likuran ko ngayon… Hindi ako makatayo…” pagtatapat ko sa kanya.

Nasaksihan ko kung paano nabawasan ang ngiti niya ngunit saglit lamang iyon. Kasunod nito ay muli niya akong niyakap at inalalayan nang maingat upang makaahon.

Iniinda ko pa rin ang sakit nang yakapin ko pabalik si Oliver habang patuloy pa rin siya sa pag-alalay sa akin upang makaupo sa kama. Dahil doon ay bumaba ang kumot na aking pinagtataguan hanggang sa lumitaw ang kalahati ng maputi kong katawan sa kanya. Hindi ko naiwasang sipatin ang ibabang bahagi ng kanyang katawan. Mabuti na lang at naisipan niyang itakip doon ang tuwalya kaya hindi ko nakita ang kanyang kaselanan. Baka kasi kung bumungad sa akin iyon, magbalik na naman ako sa pagkakahiga sa kama.

“After natin magbreakfast, paiinumin kita ng pain reliever. Magiging doktor ako ngayon sa mahal kong asawa.” wika nito at hinalikan ang dulo ng aking ilong.

Sa kabila ng iniinda kong sakit ay mabilis na gumuhit ang maganda kong ngiti. Napakasarap naman sa pakiramdam na may asawa akong tulad ni Oliver. Malambing at maasikaso sa akin. Ngayon ay mas lalo kong nasasabi sa aking sarili na wala akong naging pagsisisi.

Unti-unti ay kumilos ako para yakapin si Oliver. Hindi naman ako nabigo dahil ginatihan niya rin iyon nang napakahigpit. Halos isayaw na nga niya ako dahil sa tindi ng kanyang pagkapit.

Dahil sa mas malaya ko nang nakikita ang kabuuan ng kwarto ay naligaw rin ang aking mga mata sa tabi ng inuupuan namin ni Oliver. Dito sa mismong kama na binabalutan ng puting tela, nakita ko ang mantsa ng dugo na ngayon ay tuyo na. Hindi ko rin maikakaila sa aking sarili na nagmula sa akin iyon dahil ramdam kong nasugatan ako kagabi sa naganap na pag-iisa namin ng aking asawa.

Marahil ay naramdaman ni Oliver ang aking pag-aalala dahil unti-unti rin itong kumalas sa aking pagkakayakap. Sa sulok ng aking mga mata ay nakita kong sinundan niya ang tinatahak ng aking mga mata.

Marahan siyang kumilos para ilagay ang kanyang kamay sa aking pisngi upang magbalik ang paningin namin sa isa’t isa. Suot ko pa rin ang ekspresyon na nag-aalala hanggang sa ngumiti siya at sinimulang magsalita.

“You don’t have to worry, Weldy. Ganyan na ganyan din ang nangyari noong una natin ’yon ginawa. Medyo natagalan lang ulit nasundan kaya hindi ’yan maiiwasan. Besides, ’yan din ang katibayan kung gaano natin kamahal ang isa’t isa.” malambing niyang paliwanag sa akin at hinalikan naman ang aking labi. “Sorry kung nasugatan ka ulit, ha? Hayaan mo, sa susunod na mga araw at gabi, wala na ’yan. Masasanay ka na ulit.” pilyo niya pang dugtong at nagtaas-baba ang kanyang kilay.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa pagkasorpresa.

Ibig bang sabihin, uulit-ulitin pa namin?!

“Manyakis ka rin pala, Daddy?!!” halos pasigaw kong tanong sa kanya.

Natawa si Oliver dahil sa aking naging reaksyon.

“Sa ’yo lang naman! Nakakatakam ka kasi! Maputi, makinis at mabango! Gusto mo ba gawin natin ulit bago tayo mag-almusal?! Tamang-tama, wala na tayong damit ngayon! Hindi na tayo mahihirapang maghubad!” panunukso pa nitong natatawa.

Hindi ko alam ang dapat na maging reaksyon. Mas nangingibabaw ang hiya ko sa mga oras na ito kaya tanging pagkagat lang ng labi ang nagawa ko.

“Magbihis ka na nga, Daddy! Puro ka kabastusan! Kumilos ka na at baka naghihintay na ang mga anak natin!” saway ko sa kanya habang marahang tinutulak ang katawan niya.

Sinunod naman niya ako at dahan-dahan siyang tumayo mula sa pagkakaupo. Natatawa pa rin siya hanggang sa makalayo ito sa aking pwesto takip na naman ng tuwalya ang kaselanan nito.

“I’ll be back! Tutulungan kitang makaligo dahil alam kong masakit pa ang katawan mo!” nasabi na lang nito bago siya humakbang para muling pasukin ang banyo.

“Ang tambok…” bulong ko naman habang nakatingin sa walang takip na likuran nito.

Nang hindi ko na siya makita ay hindi ko rin naiwasang mapailing habang natatawa. May bago na naman kasi akong nadiskubre kay Oliver. May kakulitan din pala itong taglay. Pero kahit ganoon, hindi ko maitatangging napakasaya ko dahil nagawa kong ipakita niya sa akin ang bagay na iyon.

Habang hinihintay kong matapos sa pagbibihis si Oliver ay naging abala ako sa pag-iisip. Alam kong magiging malaki ang pagbabago sa samahan naming dalawa. Sa tingin ko, mas magiging malapit pa kami dahil sa naganap. Bilang mag-asawa, kailangan naming tanggapin nang buo ang isa’t isa. Kaya ano man ang mga madidiskubre ko pa sa kanya, handa ko iyong yakapin. Maganda o pangit na bagay man iyon, mananatili akong nakasuporta sa kanya.

Sandali lang ang aking hinintay hanggang sa muli siyang bumalik at alalayan naman akong makapaghanda. Wala akong nagawa kundi ang mapasunod sa kagustuhan niyang paliguan ako sa kabila ng pagtanggi ko. Paulit-ulit niyang sinasabi na nakita na rin naman niya ang aking kabuuan kaya ilihis ko na raw sa aking isip ang salitang hiya.

Noong una ay tinatakpan ko pa gamit ng aking mga kamay ang pribado kong parte, pero sa mga sumunod na kaganapan ay nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob para bitiwan ang aking alagang itinatago. Masyado kasing masaya at naging pilyo si Oliver. Muli kasi nitong hinubad ang kanyang mga damit at sinabayan akong maligo. Kaya ang nangyari, nakadalawang beses siyang ligo.

Napuno ng tawanan at lambingan ang aming paliligo. Paminsan-minsan niya akong tinutukso na gawin ulit namin ang bagay na iyon ngunit tumanggi ako dahil masakit pa talaga ang butas ko. Nangako na lamang akong babawi sa ibang araw kaya nakumbinsi ko naman ito.

Nagtungo kami sa isang malaking kainan dito sa isla. At tulad nga ng aking inaasahan, mas naging masaya at mas naging malapit pa kami sa isa’t isa. Halos hindi magbitiw ang aming mga kamay sa mahigpit na pagkakahawak. Maya’t maya niya rin akong hinahalikan kahit pa maraming tao ang nakakakita. Ngunit ang pinakatumatak sa akin ay ang paulit-ulit niyang sinasabi sa akin kung gaano niya ako kamahal. Napakasarap sa pakiramdam.

Matapos ang aming napakasarap na almusal ay naghanda na rin kami ni Oliver sa pagbabalik sa kabilang isla kung saan naghihintay ang aming mga anak.

“Papa! Na-miss ka po namin!”

“Papa! Pa-kiss po ako, ha?!”

Hindi maitago nina Kryz at Marl ang kanilang saya nang makita kami ng Daddy nila. Tumatalon pa sila dahil sa tuwa habang hinihintay ang pagdaong ng sinasakyan naming speed boat ng kanilang ama. Nasa likod naman nila sina Ate Aning at Ate Loca na masaya ring kumakaway sa aming dalawa.

Nang makita ko rin ang mga bata ay parang gusto ko nang talunin ang kanilang pwesto. Na-miss ko talaga sila. Isang gabi rin kaming hindi nagkasama.

“Papa!!” sabay nilang sigaw at agad din akong niyakap nang nakababa kami ni Oliver mula sa magandang bangka. Inalalayan niya pa ako dahil kahit nakainom na ako ng gamot ay ramdam ko pa rin ang sakit ng katawan ko.

“Mmmm!! Na-miss ko ang mga anak ko!!” gigil na gigil kong reaksyon habang nakayuko at yakap ang mga ito.

Malakas ang kanilang naging pagtawa at hindi ko naiwasan ang gumaya sa kanila. Parang ilang taon kaming hindi nagkita dahil sa higpit ng yakap namin sa isa’t isa.

“Talagang ang Papa n’yo lang ang na-miss n’yo, ’no? Paano naman si Daddy?! Nakakatampo naman ang mga anak ko!”

Natigilan kami ng mga bata dahil sa pagmamaktol na iyon ni Oliver. Saglit lamang iyon hanggang sa sabay-sabay kaming matawa kabilang na sina Ate Loca at Ate Aning.

Doon lang yata nakahalata ang mga bata kaya nagkakamot ang mga ulo nitong lumapit sa kanilang ama. Iniabot muna ni Oliver ang aming mga dalang gamit kina Ate Aning at Ate Loca para malaya niyang salubungin ang kanyang mga anak.

“Sorry, Daddy… Welcome back po…”

“Pa-kiss din po sa Daddy ko?!”

Sabay na sambit ng dalawang bata matapos yakapin at halikan si Oliver bilang pagbati. Natatawa na lang kaming mag-asawa dahil ang cute talaga ng mga anak namin.

Matapos ang yakapan nilang iyon ay mabilis din na lumapit sa akin si Marl. Kasunod nito ay inangat niya ang kanyang mga kamay tanda na gusto nitong magpakarga. Sanay na ako sa paglalambing niyang tulad nito kaya yumuko na rin ako para pagbigyan ito. Ngunit bago pa kami tukuyang magkalapit ay siya namang pag-awat sa amin ng ama nito.

“Marl, ako na lang ang bubuhat sa ’yo. Next time na lang si Papa, okay? Medyo masama pa kasi ang pakiramdam niya, eh.”

Dahil sa sinabi ni Oliver ay doon ko lamang din naalala ang iniinda kong sakit ng katawan. Masyado kasi akong natuwa sa aming mga anak kaya nakalimutan ko rin ang bagay na iyon.

Nang marinig nina Marl at Kryz ang sinabi ng kanilang ama ay rumehistro sa kanila ang pag-aalala. Kaya bago pa may dramang maganap ay agad din akong nagpaliwanag sa kanila.

“I’m okay! I’m payn! Kaunting sick lang si Papa! Ganito lang, oh?!” maagap kong pagpapaintindi habang nakamwestra pa ang dalawang daliri ko na animo’y may tinatantya akong maliit na bagay. “Gagaling din agad ako kasi pinainom na ako ng Daddy n’yo ng gamot!” pahabol ko pa sa mga ito.

Mukhang nakumbinsi naman sila dahil pareho rin silang tumango. Matapos iyon ay bumalik din si Marl kay Oliver at nagpakarga na nga rito. Inalok pa ni Oliver si Kryz na pumasan sa kanyang likod na ikinatuwa naman nito.

“Sumunod ka na lang, Weldy, ha? Bumalik muna tayo sa kwarto natin para mapagplanuhan kung ano ang mga activities na pwede natin gawin mamaya.” nakangiting pagbibilin sa akin ni Oliver na sinagot ko naman ng mga pagtango.

Nagsimula nang humakbang si Oliver habang karga ang mga bata. Napakaswerte talaga nina Marl at Kryz dahil may ama silang sobrang maalaga. At siyempre, maswerte rin ako dahil nakilala ko ang tulad niya. Siya ang nagparamdam sa akin na mayroon din akong halaga at naghahanap din ng kalinga.

Sinimulan ko na ring sundan ang aking pamilya ngunit naging dahan-dahan ang aking paglalakad. Hindi pa naman sila nakakalayo kaya naririnig ko pa ang kanilang kamustahan at kwentuhan nang masaya.

Ramdam ko pa rin ang hapdi ng aking likuran kaya naging mabagal ang mga paghakbang ko. Nasa ganoon akong pakikipagduwelo sa aking sarili nang marinig ko ang pigil na pagtawa ng dalawang babae na nasa likod ko.

“Aning! Sa tingin mo, naganap na kaya?!”

“Oo naman! Halata naman, ’di ba?! Nakita mo ang hitsura?! Paika-ika siya! Masama rin daw ang pakiramdam ni Mayora!”

“Sabagay… Daks naman kasi yata, ’no?!”

“Jusko! Eh, may pabakat din si Kuya minsan, ’di ba?! ’Wag mo sabihing hindi ka sumisipat sa umbok niya?! Saka ang size ng brief, ’te! Halata namang malaki talaga!”

“Syet, oo nga! Ibig sabihin, nagkayugyugan na ulit?! Effective ang pagsosolo nila sa kabilang isla!”

“Oo!! Sa wakas, bumigay rin siya! Nagpakipot lang pala! Naku! Sa tingin ko, aaraw-arawin na rin nila ’yan! Maririnig na naman natin ang langitngit ng kama at halinghing nilang dalaw––”

Hindi na naituloy ng dalawang tsismosa ang kanilang pag-uusap dahil sa biglang pagharap ko sa kanila.

“Kami ba ni Oliver ang pinag-uusapan n’yo, Ate Aning, Ate Loca?!” salubong ang mga kilay kong pagkompronta sa kanila.

Sa halip na magulat sila ay napataas pa nang sabay ang isa nilang mga kilay.

“Guilty ka, Kuya?” mapang-asar nilang tanong sa akin pabalik.

Naikuyom ko ang aking mga kamao at nagdikit ang mga ngipin ko. Hindi ko kasi naintindihan ang kanilang sinabing ‘guilty’ kaya natahimik din ako.

Mukhang wala talaga silang takot sa akin dahil mabilis silang lumapit sa akin at nagawa pa nilang hawakan ang aking magkabilang braso.

“Kuya! Umamin ka! Nangyari na ba?! Naglaro na ulit kayo ng basketball ni Kuya Oliver?!”

“Masarap ba?!”

Habang tinatanong nila iyon sa akin ay nagliliwanag pa ang kanilang mga mata. Umaasa talaga silang magke-kwento ako sa kanila. Ngunit sa halip na sagutin sila ay bumuwelo ako para tawagin ang asawa ko.

“Daddy! Itong sina Ate Loca at Ate Aning! May itatanong daw sila sa ’yo! Ikaw nga ang sumagot!” sigaw na pagtawag ko sa atensiyon Oliver. Pinigilan kong umaray dahil nang sumigaw ako ay naramdaman ko ang pagkirot ng aking likod.

Humarap naman sa amin si Oliver habang nakangiti ito. Mukhang nasisiyahan pa rin siya sa pakikipag-usap sa mga anak nito.

“Ano ’yon?!” tanong ni Oliver sa dalawang babae sa tabi ko.

Napangisi na lang ako dahil biglang mataranta sina Ate Aning at Ate Loca. Sa isip ko ay nakabawi na rin ako sa pang-aasar nila. Alam ko kasing takot sila kay Oliver kaya iyon din ang ginamit kong pagkakataon para gantihan sila.

“W-wala, Kuya Oliver! Nagjo-joke lang si Kuya Weldy!”

“S-sige na, Kuya Oliver! Ituloy n’yo na po ang paglalakad! Susunod na kami agad ni Aning!”

Hindi ko na napigilan ang matawa sa pagkakataong ito. Masyado akong naaliw sa dalawang tsismosa sa tabi ko.

Tumango na lamang si Oliver sa kanila ngunit halatang nagtataka ito sa ikinikilos nila. Nagpatuloy na rin siya sa paglalakad at pakikipag-usap sa mga anak nito.

“Ang damot! Kaunting info lang naman, eh!” asik ni Ate Aning sa akin.

“Kuya, maawa ka na sa mga tigang! Napakalupit mo naman?!” pagmamaktol naman ni Ate Loca.

“Bahala kayo diyan!” naisagot ko lang habang natatawa at iniwan na rin sila. At kahit pa pipilay-pilay akong maglakad ay mabilis ko iyong ginawa upang abutan ang aking mag-aama.

Nagpatuloy ang masaya naming bakasyon na magpamilya. Dinala kaming lahat ni Oliver sa lugar kung saan maraming iba’t ibang uri na hayop kaming makikita. Mga hayop na makikita lang namin sa larawan tulad ng tigre, buwaya, at kung ano-ano pa. Labis kaming namangha kami ng mga bata, ngunit sina Ate Aning at Ate Loca ay hindi na gaanong nasopresa. Noong tinanong namin sila kung bakit hindi sila masyadong natutuwa ay iisa lang ang naging sagot nila;

“Araw-araw na naming nakikita ang mukha ng isa’t isa ni Loca. Para na rin kaming namasyal sa zoo tuwing magkaharap kami.”

“Halata naman, ’di ba? Kahayupan ang hatid naming dalawa.”

Tawa na lang kami nang tawa sa naging sagot nila. Sinaway lang din sila nang bahagya ni Oliver dahil hindi raw iyon magandang marinig ng mga bata.

Matapos ang pamamasyal sa lugar na maraming kakaibang hayop ay saglit kaming nananghalian. Doon na lang din ako bumawi kina Kryz at Marl dahil ako ang nagpakain sa kanila.

Ang kasunod naman naming ginawa ay lumangoy upang silipin ang ilalim ng dagat. Tinawag nila itong ‘snorkeling’ kung saan makikita namin ang magagandang isda at lamang-dagat. Kahit pa nakakita na ako nito sa probinsiyang aking pinanggalingan, hindi ko pa rin naiwasang mamangha. Mas marami kasi ritong makukulay na isda. Isa pa, nakita ko kung gaano kasaya ang mga bata habang nakikipaglaro sila sa mga isda.

At ngayong sumapit naman ang gabi, naririto kami sa lugar na nagliliwanag dahil sa maraming nagliliparang alitaptap. Ito na rin ang huli naming gagawin bago magbalik sa tinutuluyan naming hotel.

Napakasaya ko dahil sa matagal na panahon simula nang mapadpad ako sa Maynila ay nakakita ulit ako ng umiilaw na mga kulisap. Maging sina Ate Aning at Ate Loca ay namangha dahil bihira na raw sa panahon ngayon ang makakita ng alitaptap.

Akbay ako ni Oliver sa mga oras na ito habang sinusundan ang mga bata at sina Ate Loca sa paglalakad. Nililibot namin ang buong lugar sa ilalim ng nagliliwanag din na kalangitan dahil sa dami rin ng bituin.

“Ayos ka na ba, Weldy? Masakit pa ba ang katawan mo?” tanong sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali at hinalikan ang gilid ng aking ulo. Patuloy pa rin kaming naglalakad at sinusulit ang huling aktibidad namin sa lugar na ito.

Nakangiti pa rin ako habang hinahabol ng tingin ang mga alitaptap na nasasalubong namin sa mga oras na ito.

“Hindi na gaanong masakit, Daddy. Salamat sa pinainom mong gamot, ha? Saka nakakalimutan ko ang sakit paminsan-minsan dahil nakikita kong masaya ang mga anak natin.” sagot ko kay Oliver nang nakangiti ngunit hindi nakatingin.

Hindi na muling nagsalita pa si Oliver matapos iyon. Ang inaasahan ko ay kukulitin niya pa ako tulad kanina. Sa bawat kilos kasi namin ay paulit-ulit niyang tinatanong kung ayos lang ba ako. Lagi rin siyang nakaalalay sa akin kaya maghapon din kaming magkadikit nito. Ipinagkatiwala na nga lang niya ang aming mga anak sa dalawang babae naming kasama.

Nilingon ko si Oliver upang alamin kung bakit hindi na ito nagsalita pa, ngunit hindi ko inaasahang nakatitig pala siya sa akin habang may ngiti sa labi niya.

“Bakit ganyan ka makatingin, Daddy?” natatawa kong pagtatanong sa kanya.

Hindi muna siya sumagot. Nagtaka ako nang bigla siyang huminto sa paglalakad dahilan para matigilan din ako dahil akbay ako nito. Pinanood ko lang din siya hanggang sa igaya naman niya ako paunti-unti upang makaharap sa kanya.

Gusto ko sana sa kanyang magtanong kung ano ba ang tumatakbo ngayon sa isip niya, ngunit napako ang aking mga tingin sa kanya dahil napapalibutan siya ng nagliliparang mga alitaptap.

Tila isang mahika ang nasasaksihan ko sa mga oras na ito. Ang mga bituin sa kalangitan at kulisap lamang ang nagbibigay liwanag sa amin mga oras na ito. At lahat ng iyon ay sumasalamin sa magagandang mata ng isang prinsipe sa harap ko. Parang nahipnotismo na rin niya ako dahil wala akong nagawa kundi ang mapatitig na lamang dito.

Naramdaman ko ang dahan-dahang pagbaba ng mga kamay ni Oliver magmula sa aking mga balikat hanggang sa makarating mga mga kamay ko ito. May ilang pulgada lamang ang aming pagitan hanggang sa simulan niyang magsalita sa napakalambing na tono.

“Weldy, hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya sa mga oras na ito… Hindi mo rin lang alam kung ilang beses ko nang tinangkang isigaw na sa wakas ay naibalik ko ang dating tayo… Ang saya ko, Weldy… Sobrang saya ko… Thank you…”

Sa bawat salitang binitiwan ni Oliver ay ramdam ko ang nag-uumapaw niyang kasiyahan. Mas lalo rin nagliwanag ang kanyang mga mata dahil sa pangingilid ng kanyang mga luha.

Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang kanyang mga sinabi dahil mabilis din akong naging emosyonal. Tumango na lamang ako nang marahan habang nakangiti at nangingilid din ang mga luha.

Kung may una mang dapat na magpasalamat sa aming dalawa, ako iyon. Hindi ko alam kung matutumbasan ko ba ang kasiyahan niya ngayon, ngunit ang sigurado lang ako ay nag-uumapaw rin ang aking saya dahil isa siyang katuparan ng simpleng kahilingan ko noon. Siya ang bumuo sa akin. Siya ang naging daan upang maabot ang pangarap ko noon.

“Weldy,” pagtawag niyang muli sa akin habang nakangiti.

“Daddy…” nakangiti ko ring pagtawag sa kanya.

Nakita ko kung paano muna siya humugot ng malalim na paghinga bago siya nagpatuloy sa sasabihin niya.

“Kahit hindi mo pa rin ako naaalala, gusto kong malaman mo na naging napakasaya ko… Masaya ako dahil nakumpirma kong kahit nawala ang memorya mo, ako pa rin naman ang laman ng puso mo… Ikaw pa rin ang dating Weldy na asawa ko… Salamat… Salamat dahil kasama pa rin kita… Salamat dahil nanatili ka sa tabi ko… Salamat sa ’yo…” madamdamin na nitong pagtatapat sa akin at hindi na rin naiwasan ang pumatak ang mga luha nito.

Tumango naman ako nang marahan bilang pagtugon sa pasasalamat niyang iyon. Kasunod nito ay inangat ko ang aking isang palad para pahirin ang luha nito.

“Salamat din sa ’to, Daddy… Salamat sa lahat… Hindi mo lang din alam kung gaano ako kasaya dahil may asawa akong gaya mo… Sobrang saya ko… Salamat sa ’yo…” sagot kong emosyonal na rin dito. At tulad niya, hindi ko na rin napigilan ang aking mga luha na dumaloy mula sa aking mga mata.

Ngayon ay pareho kaming nakangiti ni Oliver sa kabila ng luha naming dulot ay saya. Wala sa amin ang nagsasalita at sa pamamagitan ng mga mata naming nagliliwanag kami nag-uusap.

Ilang sandali pa ay hinawakan niya ang aking kamay na nanatiling nasa kanyang pisngi. Kasunod nito ay hinalikan niya ang aking palad saka ngumiti.

“I love you, Weldy… I love you…” paulit-ulit niyang sambit sa pagitan ng paghalik nito sa palad ko.

Mas lumawak ang aking ngiti dahil narinig ko na naman ang mahiwagang salitang iyon na nagdudulot ng ibayong saya sa katauhan ko.

“I love you too, Daddy… I love you too…” sagot ko rin sa kanyang malambing.

Sapat na ang pagpapalitan namin ng mga salitang iyon upang gawin ang susunod na hakbang. Dahan-dahang iginaya ni Oliver ang aking mga kamay patungo sa kanyang balikat. Kasunod nito ay inilagay naman niya ang kanyang mga kamay patungo sa aking bewang.

Wala na ang nagsalita pa sa aming dalawa hanggang sa lumiit ang aming distansya. Palapit nang palapit ang mukha namin sa isa’t isa at hindi napuputol ang tinginan naming dalawa. Segundo lang din ang aming binilang hanggang sa pareho na naming ipikit ang aming mga mata upang salubungin ang labi ng isa’t isa.

At dito nga sa ilalim ng gabi, saksi ang nagliliwanag na langit dahil sa mga bituin at habang pinalilibutan ng nagsasayawang mga aliptap, muli naming pinaramdam sa isa’t isa ang pagmamahal sa pamamagitan ng mainit naming halik.

Sana, wala nang katapusan ito.

Sana, hindi dumating ang oras na kinatatakutan ko.

Sana, manatili kong yakap ang sayang tulad nito.

Matapos ang pagsukli sa isa’t isang halik ay naghiwalay ang mga labi namin ni Oliver suot ang magaganda naming ngiti. Tinapos din namin ang kaganapan sa pamamagitan ng pagyakap nang mahigpit.

May ilang segundo pa kaming nasa ganoong posisyon hanggang sa matigilan kami sa mga boses na aming narinig.

“Ayyiiieee~~”

Nang lingunin naming pareho iyon ni Oliver ay ang mga anak pala namin na ngayon ay malawak ang pagkakangiti. Kasunod pa nito ay hindi nila napigilang pumalakpak dahil sa labis na tuwa. Ang nasa kanilang likod naman ay dalawang babae na abala sa pagkuha ng litrato sa amin ni Oliver.

“Syet!!! Ito na ang souvenir na pinakagusto ko sa lahat!! Kinikilig ako!!” tili ni Ate Loca habang tinitingnan ang mga nakuhang larawan sa amin ni Oliver. Sa sobra rin nitong tuwa ay nasabunutan pa ang kanyang kasama.

“Aray, aray!! Buset!! ’Wag kang magulo!! Hindi pa nga ako tapos mag-video!!” reaksyon naman ni Ate Aning at ginantihan din ng sabunot ng kumare nito.

Wala naman kaming nagawa ni Oliver kundi ang matawa ganoon din ang mga bata dahil sa dalawang makukulit na dalaga.

“Pahingi ako ng copy niyan, ha?! Ipasa n’yo sa akin!” natatawang utos ni Oliver sa kanila.

“Wanpipti lang po per copy, Kuya!” sagot naman ni Ate Loca.

“Sige, ibabawas ko na lang sa mga sweldo ninyo!” pagbabanta na ni Oliver.

“Luh?! Nadamay talaga ako, Kuya?! Si Loca lang naman ang magulang, ah?!” pag-alma naman ni Ate Aning na naging dahilan para lalo kaming matawa lahat.

Napakasaya talaga ng bakasyon na ito.

Maraming naganap at tanging magagandang bagay lamang ang hatid nito.

Masasayang karanasang hinding-hindi ko makalilimutan sa buong buhay ko.

Mga alaalang masarap balik-balikan sa oras na magising ako sa napakagandang panaginip na ito.


A/N

I’m back! Sorry po kung natagalan! Natapos ko na ang hinahabol kong deadline kaya back to business na! Hehe. Salamat po sa mga nag-message! Pasensiya na po kung hindi ko lahat nareply-an, pero taos-puso po akong nagpapasalamat! Labyu, guys!

Para sa ’yo ang chapter na ito,

SophisticatedArogant

! Maraming salamat sa cover ni France na nasa unahan! 😍😘 Good luck din sa atin! (Alam mo na kung ano ito! Ang dahilan kung bakit walang update ng ilang linggo! 😅) Guys, you may check his profile din po kung nais n’yong makahanap ng magandang mababasa! Support! Fight-o!

Hanggang sa muli po! Salamat po sa mga patuloy na naniniwala sa magandang daloy ng kwentong ito! Labyu!

–– cold_deee ❤

06.11.2018

Chapter 18

Again, thank you,

DJ_Deccao

, sa pagbibigay mo ng napakagandang mga covers! Ang dami ko nang utang sa ’yo! ❤


FRANCE POV

Hindi maputol ang aking ngiti habang pinagmamasdan ang mga baunan na nakapatong sa aking kandungan.

Naisipan kong ipagluto ang aking asawa noong makatanggap ako ng tawag mula sa kanya kanina na hindi siya makakauwi ngayong gabi dahil may hindi raw inaasahang nangyari sa kanilang pasiyente. Noong una ay lubha pa akong nag-alala ngunit siniguro niyang isang normal lamang iyon na sitwasyon sa kanyang buhay bilang isang doktor.

Paulit-ulit na sinabi sa akin ni Oliver na ayos lang siya, ngunit hindi ko pa rin naiwasan ang mag-alala lalo na noong marinig ko ang hinaing niyang nagutom daw siya sa tagal niyang pag-aasikaso sa pasiyente nilang iyon. Matagal akong nag-isip hanggang sa may pumasok sa aking ideya na puntahan siya para dalhan ng makakain niya. Hindi ko rin iyon sa kanya ipinaalam dahil naisip kong mas maganda kung sosorpresahin ko siya.

Sakay ng isang taxi na pinatawag nina Ate Aning at Ate Loca ay naglakas-loob akong magtungo sa ospital kung saan namamasukan bilang doktor si Oliver. Bago pa ako makaalis ay siniguro rin nilang alam ng drayber nitong taxi kung saan ang ospital na aking sasadyain.

Medyo kinakabahan ako dahil bukod sa gabi na ngayon ay ito rin ang kauna-unahang beses na pupunta ako sa ospital na iyon. Pero sa tuwing maiisip ko ang napakalaking pagbabago ngayon sa buhay namin ni Oliver, napapalitan ang takot ko ng saya at lakas ng loob.

Sa nakalipas na mga araw at buwan magmula nang magbakasyon kaming magpamilya sa Palawan ay naging mas malapit pa kami sa isa’t isa. Mas lalo ko rin silang nakilala lalo na ang aking asawa.

Walang araw na hindi nila ako napapangiti lalo na tuwing sinasabi nila kung gaano ako kahalaga sa kanila at kung gaano nila ako kamahal. Naging mas mahaba na rin ang oras na ibinibigay sa amin ni Oliver para magkasama-sama.

Naisip ko rin ang isa pang pagbabago sa aming samahan ni Oliver. Simula nang maangkin niya ako noon sa Palawan ay naging mas madalas na ang ginagawa naming iyon. Nagiging normal na rin sa aking isip ang pagniniig naming iyon. Madalas niyang pinapaalala sa akin na isang paraan lamang iyon para magampanan namin ang pangangailangan ng bawat isa. Doon din daw namin naipaparamdam kung gaano namin kamahal ang isa’t isa. At dahil din sa madalas nga namin iyong gawin ay unti-unti na rin akong natututo. Kung minsan nga ay ako na rin ang nagtatrabaho para mapaligaya ang asawa ko.

“Sir, okay lang po ba kayo?” biglang pagbasag sa aking pananahimik ng drayber nitong taxi na sinasakyan ko.

Tiningnan ko siya nang may pagtataka sa pamamagitan ng maliit na salaming nasa tapat. Hindi na rin niya hinintay pang makapagtanong ako dahil agad din niyang sinundan ang sinabi niya.

“Kahit madilim po kasi rito sa sasakyan, kitang-kita ang pamumula ng mukha n’yo, Sir. Kayo po ba ang may sakit kaya gusto n’yong pumunta sa ospital? Sana po sinamahan na lang kayo ng mga kasambahay n’yo kanina.” pagtukoy nito kina Ate Aning at Ate Loca habang may pag-aalala sa kanyang mukha.

Nakaramdam ako ng hiya sa kanyang sinabi kaya mabilis ko ring iniwas sa kanya ang aking paningin. Hindi ko namamalayan ang nagiging reaksyon ko tuwing naaalala ko ang pag-iisa namin ni Oliver. Nabubuhay ang aking dugo na nagiging dahilan para mabuhay rin ang isang parte ng katawan ko.

“A-ayos lang po ako, Manong… Wala po akong sakit…” nauutal kong sagot sa kanya. “Malayo pa po ba ang ospital?” pag-iiba ko na ngayon ng usapan. Kailangan kong gawin ito para malihis din sa iba ang isip ko.

Ilang segundo muna ang kanyang pinalipas bago ako sinagot.

“Nandito na po tayo, Sir. Ayan po ang ospital na tinutukoy ng makukulit mong kasambahay kanina.” sagot nito habang itinuturo ang isang malaking gusali na nasa tapat na pala namin.

Mabilis kong kinuha ang pera sa aking bulsa at ibinigay iyon sa drayber. Kailangan ko nang makatakas sa kanya bago pa siya makapag-usisa.

“Heto po, Manong. Marami pong salamat. Sa inyo na rin po ang sukli. Tip ko na po ’yan dahil hinatid n’yo ako nang ligtas.” magalang kong pakikipag-usap dito.

“Salamat po! Ingat kayo, Sir!” tuwang-tuwa naman nitong sagot sa akin.

Tumango na lamang ako saka nagdesisyong lumabas sa kanyang sasakyan. Napangiti rin ako nang malawak dahil alam ko na kung ano ang ibig sabihin ng salitang ’ tip ’. Hindi pala iyon pamasahe kundi parang bonus o balato. Mabuti na lang at sa bawat araw na kasama ko ang aking pamilya ay may natututunan ako.

Nang makaalis ang taxi ay ilang segundo pa akong nakatayo lamang sa tapat ng napakataas na gusali habang tinitingala ito.

“Chua Medical Hospital…” pagbasa ko sa pangalang nasa itaas na bahagi nito.

Isang malalim na pagbuntong-hininga muna ang aking pinakawalan bago ako nagdesisyong pasukin ang malaking gate ng ospital. Bitbit pa rin ang inihanda kong pagkain para kay Oliver ay nagdesisyon na rin akong magtungo sa pwesto ng gwardiyang bubungad sa akin. Ayon kina Ate Aning at Ate Loca, iyon daw ang una kong dapat na kausapin para hanapin si Oliver.

Habang papalapit sa malaking pintuan na gawa sa salamin ay nakikita ko na ang gwardiya, ngunit hindi ko inaasahan na sa pagkakataong ito ay may napakapamilyar na mga tao akong makakasabay.

“Punyeta! Tigilan mo ako, ha?! Bakit hindi mo kami papapasukin ng asawa ko?! Anak namin ang nasa loob! Gusto mong sa ’yo ko ipukpok ’yang batuta mong hampas-lupa ka?!” sigaw ng lalaki sa gwardiya na nasa kanyang pwesto.

Napalunok ako dahil nakita ko na naman si Kuya Randy. Gusto ko sana siyang iwasan dahil alam kong hindi na naman magiging maganda ang engkwentro namin nito. Pero dahil sa kailangan kong maibigay ang pagkain kay Oliver ay wala akong mapagpipilian sa mga oras na ito.

Hindi ko malilimutan ang senaryo noong huli kaming nagkita ni Kuya Randy sa eskwelahan upang mapa-enroll namin ni Oliver ang aming mga anak. Tulad nga ng inaasahan, hindi na naman naging maganda ang aming naging pagkikita.

’Makita ko pa ulit ’yang pagmumukha mo, tunay na bato na ang ibabato ko sa ’yo! Napupunyeta talaga ako sa ’yo! Nanggigigil ako! Naha-high blood ako sa ‘yo!!’

Iyan lang naman ang sinabi niya sa akin nang mahuli ko siyang nagtatago sa likod ng malaking puno habang paulit-ulit akong binabato ng mga nilukot niyang papel.

Hanggang ngayon ay ramdam ko pa ring inis na inis siya sa akin. Minsan lang kaming nagkita ngunit talagang sagad sa buto ang kanyang galit. Hindi ko naman siya magawang patulan dahil mabilis din siyang natatagpuan ni Kuya Rigo para awatin. Minsan naman ay nabanggit ko ito kay Oliver ngunit sinabihan lamang ako nitong intindihin na lamang si Kuya Randy. Mayroon daw kasi itong matinding pinagdaanan na naging dahilan para maging ganito ang kanyang pag-uugali.

“Sir, pasensiya na po. Tapos na po kasi ang oras ng dalaw. Kung gusto n’yo po, bumalik na lang kayo bukas.” magalang naman ang pakikipag-usap ng gwardiya kay Kuya Randy.

“Ah, gano’n?! Sige, mamili ka! Papapasukin mo kami ni Rigo, o gusto mong hindi ka na makaabot ng bukas?! Punyeta kang animal ka! Gusto mo pa talagang umabot tayo sa pisikalan, ha?! Hindi kita aatrasan, impakto ka!” pagbabanta na ni Kuya Randy sa gwardiya.

Akmang susugod na talaga si Kuya Randy sa gwardiyang iyon dahil sa pagpupumilit na makapasok ng ospital ay naging maagap naman ang asawa nitong nasa kanyang tabi para siya ay awatin.

“Liam, huminahon ka nga, please?! Nag-eeskandalo ka na naman!” pakiusap ni Kuya Rigo sa asawa niyang pinaglihi yata sa sama ng loob. Kasunod nito ay hinarap din nito ang gwardiya sa nakikiusap na tono. “Sir, baka naman p’wede mo kaming papasukin kahit saglit lang? Galing pa kami ng China at umuwi agad kami dahil nga sa nangyari sa anak namin…” pakiusap nito.

Nangunot ang aking noo dahil sa pagtataka at pag-aalala. Mabilis akong nagtungo sa kanilang pwesto upang makapagtanong sa kanila. Nagbabaka sakali rin akong makatulong sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa gwardiya na halatang malaki ngayon ang kinakaharap na problema.

“Kuya Rigo! A-ano po ang nangyari kay Ar-Ar?!” nauutal ko pang bungad nang makalapit ako sa kanilang pwesto.

Hindi na ako nagtaka nang bigla akong lingunin ni Kuya Randy habang nanlilisik ang mga mata nito.

“Ikaw na naman?! Ganyan na ba kalaki ang inggit mo sa akin kaya kahit dito, sinusundan mo ako?! Stalker ba kita?! O, baka naman fan?! Just to make things clear, I’m not a celebrity, okay?! Ang asawa at anak ko lang ang artista! And ’though I look like one, you shouldn’t follow me especially in this kind of situation! You should learn how to — uhhmpp!!” tuloy-tuloy pa sana nitong pagbubunganga sa akin ngunit napatigil din nang takpan ni Kuya Rigo ang bibig nito.

Hindi na lamang ako sumagot ngunit nagdasal ako sa Diyos na sana ay pahabain Niya pa ang pasensiya ko sa taong ito. Ayaw ko nang madagdagan pa ang mga kasalanan ko. Isa pa, mas maganda nang manahimik ako dahil nangamote na naman ako sa mga huling sinabi nito. Ingles na naman iyon at umiiwas akong magkamali sa isasagot ko. Sigurado kasi akong lalaitin lang ako nito.

“Liam, nagtatanong lang ang tao!” pagsaway ni Kuya Rigo kay Kuya Randy habang hawak pa rin ang bibig nito. Kasunod nito ay nilingon din niya ako para sagutin ang katanungan ko. “I’m so sorry, Weldy. Pagpasensiyahan mo na ang asawa ko.” paghingi nito ng paumanhin sa akin.

“Ayos lang po, Kuya…” sagot ko lang na tumatango sa kanya.

Huminga nang malalim si Kuya Rigo bilang paghahanda sa pagpapaliwanag sa akin.

“Nothing’s serious naman sa nangyari sa anak namin. Paulit-ulit nga lang na hinimatay kaya hindi namin naiwasan ang mag-alala. Kaya heto, kahit may business meeting pa si Liam sa China, umuwi agad kami rito.” malungkot na pagbabalita nito.

“Hinihimatay?! B-bakit?! May sakit ba siya?!” mas lalo ko nang pag-aalala.

“Hindi naman. Ipinagkatiwala kasi namin siya sa uncle niya habang wala kami. Ang kaso, pinadala pala siya rito sa hospital para ma-circumcise. Takot na takot ang anak namin kaya ayan, ilang beses daw hinimatay.” sagot pa rin ni Kuya Rigo.

“C-cir-circus… Circu…” paglilinaw ko sana dahil bago iyon sa aking pandinig.

Dito na hindi napigilan ni Kuya Randy ang muling magbunganga. Sapilitan niyang tinanggal ang kamay ni Kuya Rigo mula sa kanyang bibig at bumwelo para sumigaw.

“Circumcise! Punyeta! Bingi ka ba?! O, sadyang hindi mo lang alam ’yon?! Tuli! Ipapatuli namin ang anak ko habang hindi pa pumapasok sa school!” sumisigaw niyang pagtatama sa akin.

Napalunok ako bago nakapagsalita.

“A-alam ko! Nagulat lang ako kaya hindi ako makapagsalita nang maayos!!” pagpapalusot ko sa akusasyon ni Kuya Randy.

“Liam, naman..? Hindi ito ang oras para magkaganyan ka… Gusto mo bang madagdagan pa ang problema natin? Kailangan tayo ngayon ng anak natin kaya sa kanya muna focus natin, please?” muling pakiusap naman ni Kuya Rigo sa kanya.

Tila ba ngayon lang natauhan si Kuya Randy dahil nanlaki ang kanyang mga mata.

“Oo nga pala! Punyeta! Ang Ninang Coke niya lang ang naiwan sa loob! Baka kung anong gawin niya sa anak natin, Rigz?! Baka kainin niya si Ar-Ar nang buhay?! Patay-gutom pa naman ang ulikbang ’yon!” natataranta at nag-aalalang pagsang-ayon ni Kuya Randy sa kanyang asawa.

“Calm down, Liam! Hindi gagawin ’yon ni Coke, okay?!” pag-awat na naman ni Kuya Rigo sa kanya.

Hindi ko alam kung gaano kahaba ang pasensiya ni Kiya Rigo sa kanyang asawa. Bilib na talaga ako sa kanya.

Muling hinarap ni Kuya Rigo ang guwardiya para siguro ipagpatuloy ang pakikipag-usap, ngunit pare-pareho kaming natigilan dahil natagpuan namin ang guwardiyang iyon na nanlalaki ang mga mata habang nakatitig sa akin.

“Sabi sa ’yo hindi ka maganda, eh! Nakita mo?! Natatakot sa ’yo ang guwardiya?! Hindi ka nga kasi maganda!” buska na naman ni Kuya Randy sa akin. Napakaingay niya talaga!

Napalunok ako dahil bahagya akong nakaramdam ng pagkailang sa ginagawang pagtitig sa akin ng guwardiya. Hindi ko na rin naiwasan ang mag-alala na baka tulad nina Kuya Rigo ay hindi rin ako papasukin nito sa ospital.

“K-kuya..?” pagtawag kong nauutal sa guwardiya. “Ako po? B-baka naman po p’wedeng pumasok kahit saglit lang? Ihahatid ko lang sana itong pagkain ng asawa ko. Doktor po sa ospital na ito ang asawa ko. Kung gusto n’yo naman po, kayo na lang ang mag-abot sa kanya para hindi naman masayang ang paghahanda ko nito.” pakiusap ko na rin dito habang ipinapakita sa kanya ang mga baunan na hawak ko.

Mukhang natauhan naman ang guwardiya dahil mabilis itong tumango. Ang hindi nga lamang nagbago ay ang pagtitig sa akin nito.

“O-oo naman po, Sir Weldy! Siyempre po makakapasok kayo! P’wede n’yo po puntahan si Doc Santillan kahit kailan n’yo gustuhin! Wala po akong karapatan na hindi papasukin ang may-ari nitong ospital! Ayaw ko pong mawalan ng trabaho! ’Wag n’yo po sana akong isumbong sa kuya mo — este, kay Director John Michael Chua!” mabilis at natataranta pa rin na paliwanag ng guwardiya.

Natigilan ako dahil sa pagkasorpresa. Napansin ko rin na pareho akong nilingon nina Kuya Rigo at Kuya Randy habang nanlalaki rin ang mga mata nito.

Saglit akong napaisip sa sinabi ng guwardiyang nasa aming tapat. At nang magbalik sa aking isipan ang sinabi sa akin noon ni Kuya Michael tungkol sa kanilang pamilya ay doon lang naging malinaw ang lahat sa akin.

Oo nga pala, sina Kuya Michael at Weldy ang nagmamay-ari nitong ospital. Ngayon lang din naging malinaw sa akin kung bakit Chua Medical Hospital ang pangalan nito. Isinunod pala ito sa kanilang apelyido.

Sinikap kong ngumiti sa guwardiya upang hindi niya mapansin ang aking pagkabigla.

“O-opo… G-gano’n na nga po… Sige po, makakaasa kayong hindi ako magsusumbong kay Kuya Michael…” nauutal kong pagsagot sa pakiusap ng guwardiyang iyon.

Muli siyang tumango nang paulit-ulit habang nakangiti.

“Sige po! Salamat! Pumasok na kayo, Sir Weldy! Diretsuhin n’yo lang po ’yang hallway para hanapin sa information desk si Doc Santillan!” magalang na nitong pagbibigay impormasyon sa akin.

Tanging pagngiti lamang habang tumatango ang naitugon ko rito. Akmang hahakbang na sana ako para makapasok sa pintuan ay natigilan naman ako dahil naalala ko ang mag-asawa na sina Kuya Randy at Kuya Rigo. Naririto pa rin sila habang nanlalaki ang mga mata dahil pa rin siguro sa pagkasorpresa.

Muli kong nilingon ang guwardiya at siniguro kong malapad ang pagkakangiti ko sa kanya.

“Sila rin po, Kuya. Papasukin mo na rin sila dahil kilala ko naman sila. Kaibigan po ng mga anak namin ni Oliver ang anak nila.” utos ko na rito.

“S-sigurado po ba kayo, Sir Weldy?!” paniniguro naman nito sa akin.

“Oo naman po,” sagot ko sa kanya bago ko lingunin si Kuya Randy na nakataas na ngayon ang isang kilay sa akin. “Utos ko po iyon sa inyo, Kuya, bilang may-ari nitong ospital. Papasukin mo po sila.” pagpapatuloy ko pa habang nakangiti at nakatitig kay Kuya Randy sa pagkakataong ito.

Kahit man lang sa pagkakataong ito ay makaganti ako sa mga ginawa sa akin ni Kuya Randy. Masyado na siyang maraming nasabi at nagawang hindi maganda sa akin. Ito lang ang naisip kong paraan para kahit paano ay makabawi — ang magyabang kahit kaunti.

“Sige po,” pagsang-ayon naman ng guwardiya sa akin. “Sige po, Sir. Pumasok na po kayo.” sunod na nitong pakikipag-usap kina Kuya Rigo.

Pinagmasdan ko lang kung paano kumilos ang mag-asawa upang pasukin ang pintuan nitong ospital.

“Maraming salamat, Weldy! Hindi ko alam na kayo pala ang may-ari nitong ospital. Hindi naman kasi nabanggit sa akin ni Doc Santillan ’yon kahit ilang beses na rin kaming nagkausap.” magiliw na pakikipag-usap sa akin ni Kuya Rigo.

Mabuti pa si Kuya Rigo, marunong magpasalamat. Pero ang asawa niya, panay lang ngayon ang irap.

“Akalain mo nga naman? May-ari ka pala nitong ospital?” reaksyon ni Kuya Randy na nakataas ang isang kilay habang tinitingnan ako magmula ulo hanggang paa. “Hindi obvious, ha? Mukha ka kasing hampas-lupa. Dukha. Madungis. Panget. Pulubi –– uhhmmpp!!” hindi na naman niya naituloy ang pang-aalipusta sa akin dahil tinakpan muli ni Kuya Rigo ang bibig nito.

“Liam, enough! Sumusobra ka na! Magpasalamat ka at nandito tayo! Hindi na ako natutuwa sa mga ginagawa mo!” nagdidikit ang mga ngipin ni Kuya Rigo na pagsaway sa kanya. Kasunod nito ay hinarap niya ako habang nakikiusap ang kanyang mga mata. “Pasensiya ka na sa asawa ko, Weldy. Ako na ang humihingi ng sorry. Pasensiya na talaga.” paghingi na naman niya ng dispensa sa akin.

Tumango naman ako bilang pagtugon habang may ngiti pa rin.

“Sige na, Kuya Rigo. Puntahan n’yo na si Ar-Ar. Pakisabi po, magpagaling siya agad. Saka pakisabi rin po na ’wag siyang matakot magpatuli.” sagot ko na lamang kay Rigo.

“Salamat. Babawi na lang kami sa susunod sa inyo. Salamat ulit!” pahabol na ngayon ni Kuya Rigo. Kasunod nito ay binitiwan na niya ang bibig ng kanyang asawa at mahigpit na hinawakan ang pulsuhan nito. “Liam, let’s go! Mag-uusap tayo once na makapasok tayo sa kwarto ng anak natin! Nagsisimula ka na naman, ha?!” seryoso na nitong pagyaya kay Kuya Randy.

Pinanood ko lamang sila nang tuluyan na silang makapasok sa loob. Nasaksihan ko rin kung paano mabilis na nagbago ang ekspresyon ni Kuya Randy habang sumusunod sa ginagawang paghila sa kanya ni Kuya Rigo. Kung kanina ay napakatapang nito, ngayon ay tila naging maamong tupa na ito.

“Rigz, naman… Sorry na… Hindi na mauulit… Sorry na, baby Rigz… Bati na tayo…” naririnig ko pa ang mangiyak-ngiyak na pakiusap ni Kuya Randy kay Kuya Rigo na hindi naman siya sinasagot.

Gusto ko sanang matawa pero pinigilan ko. Baka kasi marinig ako ni Kuya Rigo. Siguro ay sa ibang araw ko na lang si Kuya Randy aasarin. Ito ang gagawin kong bala para makita ko ang pagkapikon niya.

May ilang minuto muna akong pinalipas bago ako nagpatuloy sa pagpasok sa ospital. Kinailangan kong gawin iyon dahil may posibilidad na magkrus pang muli ang landas namin ni Kuya Randy.

Tulad ng sinabi sa akin ng guwardiya at naging bilin sa akin nina Ate Aning at Ate Loca, unang hinanap ng aking mga mata ang information desk dito sa ospital. Doon ko raw maaaring hanapin ang aking asawa para makita at makausap.

Hindi naman ako nahirapan na makita ang information desk na iyon sa kabila ng napakalawak at napakagandang ospital na ito. Para na rin akong nakapasok sa hotel at hindi mo iisiping ospital ito sa unang panunuri rito.

May ilang metro na lamang ang layo ko sa information desk na iyon at nakikita ko na rin ang mga nakaputing empleyado na tila nagkakatuwaan sa mga oras na ito. Mukhang dahil sa gabi na ay mas may oras na silang makapagkwentuhan dahil nagpapahinga na ang mga pasiyente nito.

Makailang hakbang pa ang aking nagawa habang may ngiti sa aking mukha. Palapit na ako nang palapit ngunit agad din akong natigilan dahil hindi ko inaasahan ang aking mabubungaran.

“Salamat dito sa treat, Doc! Kaya ikaw ang gusto naming kasama sa shift, eh! Masyado kang galante!” tuwang-tuwa na pagsasalita ng isang nurse na nasa tapat ng lalaki na nagngangalang Oliver.

Oo, ang asawa ko nga iyon na abala sa pagbibigay ng pizza at kape sa mga kasama niya. Nakatalikod ito sa aking pwesto kaya hindi niya napansin ang presensiya ko.

“Wala ’yon. Kami dapat ang magpasalamat sa inyo because of your hard work. Hindi madali ang naging situation kanina sa E.R. pero wala sa inyo ang nagreklamo.” sagot naman ni Oliver habang patuloy pa rin na nag-aabot ng pagkain sa mga kasama ito.

Nagtawanan ang mga babae maging ang dalawang lalaki na naroroon. Mukhang si Oliver lang ang doktor dahil siya lang ang naiiba ang unipormeng suot. Mahaba kasi ang kulay puting kasuotan nito.

“Doc, ang cool at ang hot mo kayang tingnan kanina habang ginagamot ang huling pasiyente! Nakakawala rin ng stress kapag ikaw ang kasama namin sa operating room! Bawing-bawi ang pagod namin!” sabat pa ng isang babae na halos ingudngod na ang sarili kay Oliver dahil sa sobrang lapit niyang makipag-usap. Nagawa niya pang haplusin ang braso ng aking asawa.

Mas lalong umalingawngaw ang tawanan nilang lahat. Pero ang hindi ko nagustuhan sa aking nasasaksihan ay maging si Oliver ay nakikitawa rin sa kanila. Tila ba natutuwa pa ito sa ikinikilos at sinabi ng babaeng linta.

“’Wag kang ganyan! Gusto mo bang magselos ’yang boyfriend mo?!” tanong na natatawa ni Oliver sa babaeng iyon habang tinuturo ang isang lalaki malapit lang din sa kanilang pwesto.

“Hindi ko pa naman siya boyfriend, Doc! Manliligaw pa lang! And besides, aware naman siya na ikaw ang pantasya kahit ng patients dito! Kayong dalawa ni Doc Michael! Malas mo lang dahil mas madalas ka naming nakakasama kesa sa kanya! Kaya heto, mas pinapapak ka namin lahat!” sagot pa ng babaeng iyon.

“Pinapaalala ko lang sa ’yo, may asawa at mga anak na ako. Ano sa tingin mo ang magiging reaksyon nila sa oras na marinig nila ’yang sinasabi mo?” balik naman sa kanya ni Oliver.

“Hindi naman nila malalaman, Doc, eh! Maliban na lang kung sasabihin mo?” maagap namang sagot ng babae.

Nagpatuloy pa sila sa masayang kwentuhan habang kumakain, ngunit ako, mahigpit na ngayon ang pagkakahawak sa mga baunan na nasa kamay ko.

May ilang sandali pa na ganoon lamang ang senaryo hanggang sa may bagong dating ang lumapit sa kanilang pwesto.

“Mukhang nagkakasiyahan kayo, ah?” bungad nitong nakangiti kina Oliver.

“Doc Chua!”

“Director!”

“D-doc! K-kain po tayo!”

Lahat sila ay nabigla at ang ilan ay nataranta pa. Mukhang hindi sila sanay sa presensiya ng tinawag nilang Director Chua. Kahit ako ay bahagyang nasorpresa dahil hindi ko inaasahan na sa ganitong oras ay naririto pa rin siya.

“Oh, Michael! Come here, join us!” si Oliver naman na kalmado lang matapos lunukin ang kanyang kinakain.

“Thanks! I’m good,” pagtanggi nito kina Oliver habang nakamwestra pa ang isa niyang kamay. “Nagpunta lang ako rito dahil may hihingiin ako sa ’yong chart, Oliver. Hindi na kita pina-page dahil nasabi mo naman kaninang kakain ka rito kasama sil –– Weldy?!” hindi na naituloy na pagpapaliwanag sana ni Kuya Michael dahil naligaw sa aking pwesto ang kanyang mga paningin.

Nasaksihan ko kung paano mabilis na lumingon ang lahat sa aking kinatatayuan. Ang ilan sa mga taong naroon ay nanlalaki ang mga matang napatingin sa akin, ngunit ang ilan naman ay nangunot ang noo at halatang nagtataka sa mga oras na ito. Pero ang mas nakapukaw ng aking pansin ay ang asawa kong napatigil sa pagkagat ng pizza dahil sa labis na pagkabigla. Kung sabagay, inaasahan ko nang magugulat siya sa aking biglaang pagpunta. Ngunit ang hindi ko inaasahan ay ganito ang aking maaabutan.

Binalot ang paligid ng katahimikan. Habang nasa ganoon kaming tagpo ay muling nagbalik sa aking isip ang mga sinabi nina Ate Aning at Ate Loca. Ito ay nang minsan kong naikuwento sa kanila ang naging senaryo noong nakabakasyon kami sa Palawan ng mga ito.

“Kuya Weldy, kapag magseselos ka, ’wag masyadong maging eskandaloso. Magmumukha kang cheap!”

“Oo nga, Kuya! Ipakita mo sa lahat na edukado kang tao at hindi bababa sa level nila! Kalma! Ngumiti ka! Ipakita mo ang kaibahan ninyo ng taong pinagseselosan mo! Diyosa ka habang sila naman ay basura! Ganern!”

’Yan ang mga eksaktong salita na nagmula sa kanila. Doon ko rin napag-isip-isip na tama sila. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay makikipagtuos ako gamit ang lakas. Hindi rin makakatulong kung purong pangit na mga salita ang lalabas sa bibig ko.

Sa kabila ng panginginig ng aking mga kamay at pagliyab ng aking dibdib dahil sa labis na inis ay sinikap kong ngumiti.

“Kuya Michael, kamusta?” agad kong pagbaling sa aking kapatid habang suot ang mapagkunwaring ngiti.

Hindi agad nakapagbigay ng reaksyon si Kuya Michael, salitan niya muna kaming pinagmasdan ni Oliver. Ngunit dahil sa wala pa rin kagalaw-galaw ang magaling kong asawa ay kumilos na rin ito palapit sa akin.

“I-i’m good! Nagulat naman ako dahil nandito ka! Hindi ko in-expect!” nauutal nitong sagot nang tuluyan nang makalapit sa akin. “T-teka? Ano nga palang ginagawa mo rito? Gabi na, ah? May naging problema ba?” sunod-sunod pa nitong pagtatanong.

Pilit ko pa ring kinakalma ang aking sarili. Sinikap ko pa ring ’wag hubarin ang aking ngiti.

“Wala naman. Ayos lang naman ang lahat, Kuya. Nagpunta lang ako rito para sana hatiran ng pagkain ang magaling kong ASAWA. Nag-alala kasi ako, e. Baka kasi nagugutom na siya. Pero mukhang busog na rin naman siya kaya heto, sa ’yo na lang. Kainin mo, ha? Ako ang nagluto niyan.” may diin at sarkastiko kong sagot sa katanungan ni Kuya Michael.

Rumehistro sa kanya ang pagtataka. Hindi na naman siya nakapagbigay ng reaksyon at wala siyang nagawa kundi ang muling lingunin ang bayaw nito.

Nakaramdam na ako ng pagkailang dahil sa pagbabalik ng katahimikan. Sa sulok ng aking mga mata ay napansin kong nakatulala pa rin sa akin ang napakagaling kong asawa. Kaya naman bago pa ako tuluyang sumabog sa galit ay kumilos na ako para abutin ang kamay ni Kuya Michael. Sapilitan ko ritong ibinigay ang hawak kong mga pagkain.

“Sige, Kuya! Aalis na ako! ’Wag kang masyadong magpapagod. Magte-text na lang ako sa ’yo. Miss ka na rin daw ng mga bata dahil halos dalawang linggo ka na nilang hindi nakikita. Ikakamusta na lang kita sa kanila.” mabilis at mahaba kong pagpapaalam sa kanya. Kasunod nito ay kumilos na rin ako para talikuran sila.

Malalaki ang aking mga hakbang habang tinutumbok ang labas nitong ospital. Inalis ko na rin sa aking mukha ang pekeng ngiti at napalitan na ito ng matinding galit.

“Ganito pala siya kapag wala ako! Nakakainis! Nakakabwisit!” nagdidikit ang mga ngipin kong bulong habang naglalakad.

Ilang hakbang na rin ang aking nagagawa hanggang sa makarinig ako ng malalakas at mabibilis na pagyapak sa sahig nitong ospital. Kasunod nito ay napatigil ako dahil sa isang mahigpit na pagkapit sa aking pulsuhan.

“Weldy, sandali!” pag-awat sa akin ng lalaking dahilan kung bakit ako ngayon nanggigigil.

“Bitiwan mo nga ako, Oliver! Uuwi na ako!” inis na inis kong pagpupumiglas sa pagkakahawak nito.

“Sandali nga lang! Hindi mo ba ako kakausapin?!” pagmamatigas naman nito at hindi na rin napigilang yakapin ang katawan ko.

“At bakit kita kakausapin?! Abala ka, ’di ba?! ’Yon ang sabi mo sa akin kanina! At tama ka! Abala ka pala sa pakikipaglandian! Ganyan ka pala, ’pag wala ako?!” panunumbat ko na sa kanya habang pilit pa ring kumakawala mula rito. Ngunit dahil sa mas malakas talaga siya sa akin ay hindi ko magawang maging matagumpay para makatakas sa matinding pagkakayakap nito.

Narinig ako ang kanyang pagtawa sa hindi ko malamang dahilan.

“Nagseselos na naman ba ang asawa ko?!” natatawa nitong tanong sa akin.

Dahil doon ay natigilan ako. Hinarap ko siya habang nakataas ang isang kilay ko.

“Nagseselos? Bakit? May dahilan ba para magselos ako?! Isa pa, anong katibayan mo para sabihing nagseselos ako, Oliver?” tanong ko sa kanyang puno ng pagtitimpi.

Mas lalo siyang natawa kaya lalo rin akong nainis. Hindi niya pa rin ako pinakakawalan sa kanyang bisig.

“Nagseselos ka dahil tinawag mo ako sa pangalan ko! Hindi mo na ako tinatawag na ‘Daddy’!” tuwang-tuwa niyang pagsagot sa akin.

Naging malikot ang aking mga mata dahil sa pagkataranta. Hindi ko alam kung paano sasagutin ang paratang niya.

Nahalata pa rin pala niya kahit anong sikap kong magpanggap. Mukhang kilala na niya ako kaya madali niyang nahuhuli ang pagsisinungaling ko.

“Umalis ka nga! Uuwi na ako!” muli ko na namang pagpupumiglas sa pagkakayakap nito.

Naramdaman ko ang pagbitiw niya sa akin. Dahil doon ay nakaramdam naman ako ng lungkot. Iniisip kong ayos lang sa kanya na umalis talaga ako.

Pero mukhang nagkamali ako sa hinala ko. Nang tuluyan kasing maghiwalay ang aming mga katawan ay naging mabilis din siya sa paghawak sa pulsuhan ko. Kasunod nito ay hinila niya ako pabalik sa kanina niyang pwesto.

“Halika! Ipapakilala kita sa kanila. Ang ilan sa kanila, hindi ka pa kilala. Ang ilan naman sa kanila, kilalang-kilala ka na.” tangi niya lang nasabi habang halos kaladkarin na ako.

Pinilit ko namang kumawala ngunit talagang bigo ako. Malakas talaga ang asawa ko.

“Guys, some of you already knows who this person is. But some of you are not,” bungad ni Oliver sa kanyang mga kasama kanina nang makabalik kami sa kanilang tinatambayan.

“Ako, Oliver? Hindi mo ba ako tatanungin kung kilala ko siya?” natatawang tanong ni Kuya Michael na naririto pa rin pala.

“Shut up, Michael!” natatawang pagsaway rin naman sa kanya ni Oliver.

Tiningnan ko ang mga taong naririto na kasama nina Oliver at Kuya Michael.

“G-good evening, Sir Weldy…” alanganing pagbati ng ilan sa kanila.

Hindi ako tumugon. Ang nagawa ko lamang ay tingnan sila nang isa-isa habang nanlilisik ang aking mga mata. Gusto kong tandaan nang mabuti ang kanilang mga mukha para alam ko na ang magiging pakikitungo sa oras na magsalubong ang aming mga landas.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Oliver at naramdaman kong mas hinigpitan niya pa ang paghawak sa aking kamay.

“Para sa mga hindi pa siya kilala, his name is Weldy. Address him as Sir Santillan or Sir Weldy dahil siya lang naman ang nag-iisang kapatid ni Director John Michael Chua. Sa madaling salita, isa siya sa may-ari nitong pinapasukan nating lahat. And to add an info, ASAWA ko siya at may dalawa na rin kaming anak. Kaya kung p’wede sana, iwasan na lang natin na magbiruan nang medyo personal dahil sobrang seloso siya. Magkakasakit ako sa puso tuwing nakikita kong nalulungkot siya. Nagkakaintindihan ba tayong lahat?” seryoso at mahabang pagpapakilala sa akin ni Oliver.

Gumuhit sa akin ang hindi makapaniwalang reaksyon dahil sa huli niyang mga sinabi. Dedepensa rin sana ako ngunit naunahan naman ako ni Kuya Michael na ngayon ay mas lumakas ang pagtawa.

“Yes, Sir!” sagot ni Kuya Michael na halatang nagbibiro. Kasunod nito ay hinarap niya ang mga empleyadong nakatitig na lamang sa akin sa mga oras na ito. “Sumagot kayo, guys. I agree with Doc Oliver. Ayaw ko rin na nakikitang nagseselos o nalulungkot ang kapatid ko. Ang pangit, eh! Nalulukot ang mukha, oh?!” utos niya sa kanila na hinaluan pa ng pang-aasar.

Kung malapit lang sa akin si Kuya, malamang ay nasipa ko na siya. Napakalakas mang-asar! Tuwing nasa bahay rin namin siya ay madalas niya rin akong inisin. At kapag nakikita niyang napipikon na ako, mas lalo pa siyang natutuwang gawin iyon sa akin. Ang sabi naman ni Oliver, ganoon lang talaga siya kahit pa noon. Pero kapag nakita raw ako nitong nalulungkot na iba ang dahilan, alalang-alala naman daw ito. Siguro nga ay iyon lang ang paraan niya para maglambing sa akin kaya hinahayaan ko na lang din.

Naghihintay ako ng sagot mula sa kanilang mga kausap, ngunit makalipas ang ilang segundo ay wala pa rin sa kanila ang nagsalita.

“Naiintindihan n’yo ba ang sinabi ng asawa ko at ng kapatid ko? Hindi ko alam kung ano ang pagkakakilala n’yo sa akin, pero gusto kong malaman n’yo na mabait ako kung mabait din ang kausap ko. Kaya kung gusto n’yong maging maayos ang samahan natin, lumugar kayo. ’Wag n’yong pakikiaalaman ang asawa ko o kahit ang pamilya ko. Nagkakaintindihan ba tayo?”

Nabigla ako dahil kusa na lamang iyong lumabas sa aking bibig. Hindi ko inaasahan na dahil sa matindi kong selos ay makakapagsalita ako ng tulad no’n.

Lahat sila ay nanlaki ang mga mata. Maging sina Oliver at Kuya Michael ay bakas sa mukha ang labis na pagkabigla.

Gusto ko sanang bawiin ang aking mga sinabi ngunit alam kong huli na. Kaya sa halip na ipakita kong hindi ko iyon intensyon ay pinanindigan ko na lamang iyon. Isa pa, mas mabuti na rin ito para naman umiwas na rin sila sa susunod.

“Nagkakaintindihan ba tayo? Sagot!” mas madiin ko nang pag-uulit sa aking tanong.

“Yes, Sir Weldy!”

“Opo, Sir! Pasensiya na po!”

“Sorry, Sir!”

Sabay-sabay nilang sinagot iyon na mababakas sa mukha ang takot. Dahil din sa hiya ay agad din silang napayuko.

Dapat lang. Kailangan nilang malaman kung sino ang kanilang kinakalaban. Ako ang isa sa may-ari nitong ospital kaya dapat din nila akong sundin kung gusto pa nila ng trabahong mapapasukan.

Napahinga na lamang ako nang malalim matapos iyon. Kailangan ko na sigurong magsimba at mangumpisal. Hindi ako makapaniwala sa aking ginawa. Mayroon sa aking sarili na bahagya akong nagsisisi. Pakiramdam ko ay nagiging salbahe na ako habang tumatagal. Unti-unti ko na ring natututunan ang pagiging makasarili na alam kong bawal na bawal.

“Tapos na? Tapos na ang show?” biglang pagbasag sa katahimikan ni Kuya Michael makalipas ang ilang sandali. “Sige na, guys, go back to your work. Tapusin n’yo muna ’yang kinakain ninyo.” sunod pa nitong pakikipag-usap sa mga empleyado.

“Yes, Director.” sabay-sabay naman na sagot ng kanyang mga tauhan at mabilis na ring kumilos upang gawin ang utos ng aking Kuya.

Matapos iyon ay lumapit si Kuya Michael sa aming mag-asawa habang napapailing at natatawa. Nang tuluyan itong makarating sa aming kinatatayuan ay kinusot naman niya ang aking buhok.

“Grabe naman ang sinabi mo sa mga empleyado natin! Kulang na lang, tanggalin mo sila sa trabaho!” natatawa niyang saway sa akin.

“Eh, kung ’yang kamay mo kaya ang tanggalin mo sa ulo ko, Kuya?!” inis na inis ko namang saway sa kanya.

Lagi na lang siyang ganito! Kung hindi kukusutin ang buhok ko, pipitikin naman ang tainga ko! Nakakapikon na talaga, eh!

Inalis naman iyon ni Kuya Michael habang natatawa pa rin. Kasunod nito ay inangat niya ang kanyang isang kamay na hawak ang mga baunan na kanina ay aking ibinigay.

“Sigurado ka bang akin na lang ang mga ’to, Weldy? Hindi pa naman ako kumakain kaya hindi ko talaga ’to tatanggihan.” tanong nito sa akin.

Hindi naman ako nakaimik dahil ang totoo ay para naman talaga iyon kay Oliver. Sapat lang din ang dami ng inihanda kong iyon para sa isang tao kaya hindi rin makabubuting sabihin ko na paghatian na lamang nila iyon na dalawa. Nawala rin kasi sa aking isip ang posibilidad na makita ko rito ang aking Kuya. Tanging kay Oliver lang kasi nakatuon ang aking isip habang inihahanda iyon kanina.

“Sige na, Michael, sa ’yo na ’yan. I’m sure may natitira pa naman niyan sa bahay. At kung wala naman, p’wede naman niya akong ipagluto ulit. ’Di ba, Weldy?”

Si Oliver na ang sumagot sa kanya dahil hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Nahihiya rin kasi ako kay Kuya Michael. Hindi ko man lang naisipan na dalhan din siya.

“O-oo, Kuya! Sa ’yo na ’yan! Sorry kung nakalimutan kitang dalhan. Hayaan mo, sa susunod, sisiguraduhin kong para sa inyong dalawa na ang ihahanda ko. Sorry ulit!” mabilis at nauutal ko na ngayong sagot kay Kuya Michael.

Natawa naman silang pareho dahil sa pagkataranta ko. Napakamot na lamang ako sa ulo dahil hanggang ngayon ay nahihiya pa rin ako.

“Mabalik tayo, Oliver,” pag-iiba ng usapan ni Kuya Michael makalipas ang ilang sandali. “Patingin ako ng chart ng pasiyente natin sa room 304. Kailangan ko lang tingnan bago ang major operation.” sunod pa nitong paghingi ng pabor sa aking asawa.

“Sure. Nasa office ko ’yon. Ngayon mo na ba kailangan?” tanong naman ni Oliver pabalik.

Wala naman akong maintindihan sa kanilang pinag-uusapan kaya nanatili na lamang akong nakikinig sa kanila.

“Oo sana. Gustkong ma-review bago ako umuwi.”

“Sige.”

“After this, p’wede ka na rin sigurong umuwi? Nandiyan naman si Doctor Edison na inspired magtrabaho ngayon. Tuwang-tuwa sa assistant niyang si Ed. Pareho n’yo namang hawak ang pasiyenteng ’yon kaya ayos lang.” natatawa pa ring pakikipag-usap ni Kuya Michael sa aking asawa.

Nanatili pa rin akong nakikinig dahil hindi ko naman kilala ang pinag-uusapan nila.

Tumango si Oliver tanda ng pagsang-ayon. Kasunod naman nito ay ako na ang hinarap ng pasaway kong kapatid.

“Saglit lang ’to, Weldy. P’wede mo nang hintayin dito si Oliver. Bukas, dadalaw rin ako sa mga pamangkin ko. Lalabas tayo. Nami-miss ko na rin kasi ang mga bulinggit!” baling sa akin nito.

“Sus! Kahit ’wag na! Hindi ka namin na-miss! Mangungulit ka lang, eh!” pagbibiro ko namang nakasimangot sa kanya.

Natawa lang silang pareho at kinusot na naman ni Kuya ang buhok ko.

Saglit pa kaming nasa ganoong pagkakatuwaan hanggang sa magdesisyon na rin silang gawin ang napag-usapan nila. Dito sa tinatawag nilang lobby ay naiwan akong nakaupo sa magarang sofa.

Inililibot ko ang aking mga mata sa paligid habang naghihintay sa asawa ko. Maganda talaga ang ospital na ito kumpara sa mga ospital na napapanood ko sa telebisyon noon. Mapapansing mahal ang magpagamot dito dahil na rin sa pribado ito.

Mahabang sandali pa akong naririto hanggang sa bahagya na akong makaramdam ng pagkainip. Ang sabi ni Kuya Michael ay saglit lamang iyon ngunit inabot na yata sila ng kalahating oras ay wala pa rin si Oliver.

Muli kong inilibot ang aking paningin sa paligid. Nakita ko ang ilan sa mga kasamahan ni Oliver na naroon pa rin sa mataas at mahabang mesa. Ang ilan ay abala sa kanya-kanyang trabaho, ngunit ang isa ay nakatayo at paminsan-minsang sumusulyap sa aking pwesto. Siya ang babaeng naabutan kong nakikipagbiruan kanina sa asawa ko.

“Pssst!” pagtawag ko sa kanya.

Nasaksihan ko kung paano naging malikot ang kanyang mga mata dahil sa pagkataranta. Sa likod ng aking isip ay tumatawa na ako. Halata kasing nasindak ko siya sa naging pananalita ko kanina.

“B-bakit po, Sir Weldy..?” nauutal nitong pagtatanong dahil sa pag-aalala.

“Ihatid mo nga ako sa opisina ng asawa ko. Wala ka naman ginagawa, ’di ba? Nakatayo ka lang diyan. Hindi mo gayahin ’yang mga kasama mo na nagtatrabaho.” utos ko at paninita sa kanya.

Nakaramdam naman siya ng hiya at napayuko. Kasunod nito ay mabilis naman siyang nagtungo sa aking pwesto.

“D-dito po ang daan…” magalang nitong pakikipag-usap sa akin.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at sinundan ang babae na nagsimula na rin maglakad sa mga oras na ito.

Pumasok kami sa loob ng isang pintuan na p’wedeng sakyan paakyat at pababa sa loob ng gusaling ito. Elevator. ’Yan ingles nito na kailan ko lang nalaman ang tamang pagbigkas.

Hinayaan kong ang babae sa aking tabi ang magpindot sa mga buton na nasa aming tapat. Mahirap nang magkamali at baka mabuking pa ako.

“S-sir Weldy, bakit po pala nagpasama pa po kayo sa office ni Doc? Hindi n’yo po ba kabisado itong ospital ninyo?” biglang tanong sa akin ng babaeng kanina lang ay parang naiihi sa nerbiyos dahil kasama niya ako. Napansin kong kinakabahan pa rin siya at sinusubukan niya lang magbukas ng usapan naming dalawa. Marahil ay sinusubukan niyang makabawi at kunin ang aking loob.

“Ang huling nagtanong sa akin niyan, tinanggalan ko rito ng trabaho. Gusto mo bang sumunod?” seryoso kong sagot sa kanyang sinabi nang hindi man lang siya tinitingnan.

“S-sorry po! Sige po, hindi na ako magtatanong! Mananahimik na lang po ako!” pagbawi niya at muling yumuko.

Napapikit na lamang ako dahil sa nangyari. Naging napakasalbahe ko sa kanya dahil ayaw ko na siyang mag-usisa pa. Baka kasi magkamali pa ako sa isasagot ko sa kanya kaya kailangan kong umiwas.

Diyos ko, pangako po, mangungumpisal na po talaga ako. Marami na po akong atraso sa Inyo at sa kapwa ko.

Tumunog ang elevator at nauna siyang lumabas. Sinundan ko naman siya at bumungad sa amin ang mahabang pasilyong may maraming pintuan sa bawat magkabilaang bahagi ng pader dito.

“Hanggang dito mo na lang ako ihatid. Saan ba rito ang opisina ng asawa ko?” tanong ko pa rin sa sa babae gamit pa rin ang seryoso kong tono.

Nakita ko kung paano umukit sa kanya ang pagtataka. Marahil ay nagtatanong pa rin siya sa kanyang sarili kung bakit hindi ko iyon alam samantalang opisina ng asawa ko ang aking hinahanap at isa ako sa nagmamay-ari nitong ospital.

“Ilang oras mo akong paghihintayin sa sagot mo?” tanong ko na naman sa kanya.

Muli na naman siyang nataranta.

“Doon po! Ang huling pinto sa dulo po ang office ni Doc Oliver!” sagot na niyang mabilis.

“Salamat. Makakaalis ka na.” utos ko na sa kanya.

Mabilis niya naman akong sinunod at agad na bumalik sa pinanggalingan naming elevator.

Nakabibinging katahimikan ang sumalubong sa akin nang maakalis ang empleyado. Medyo madilim ang pasilyo dahil nakapatay ang ilang mga ilaw rito.

Sinimulan kong maglakad upang tumbukin ang pintuang itinuro sa akin ng babae kanina. Ilang hakbang na rin ang aking nagagawa hanggang sa makarinig ako ng mga boses na palakas nang palakas habang ako ay papalapit sa aking pakay.

Hindi malinaw sa akin ang bawat salitang aking naririnig habang patuloy ako sa paglalakad patungo opisina ni Oliver. Ngunit sa bawat pagliit ng distansiya ko mula roon ay nagiging malinaw sa akin na boses iyon ng aking kapatid at ng asawa ko.

Mas binilisan ko ang aking paglalakad dahil hindi naging maganda ang pakiramdam ko nang marinig ko ang pagsigaw ng Kuya ko.

“Stop this non-sense, Oliver!”

“Habaan mo naman ang pasensiya mo, Michael!”

Hindi ako sigurado, pero base sa naririnig kong pagpapalitan nila ng mga salita ay tila ba sila ay nagtatalo.

Nakarating ako sa tapat ng pintuan ng opisina ni Oliver at napansin kong bahagyang nakabukas ang pintuan nito. Hindi muna ako pumasok dahil inisip kong baka mahalaga ang kanilang pinag-uusapan at maabala ko ang mga ito. Kailangan ko rin makumpirma kung talaga bang sila ay nagtatalo.

Mula sa maliit na siwang ng pintuan ay sinilip ko silang dalawa. Nakita kong sila ay nakatayo nang magkatapat habang sa kanilang pagitan ay may isang mesa.

“Hanggang kailan, Oliver?! Nahihirapan na akong magpanggap!” pigil ang pagsigaw na pagtatanong ni Kuya Michael.

“Hindi ko alam! Pero hangga’t kaya natin, gawin natin!” sagot naman ni Oliver kay Kuya.

Nagpatuloy pa sila habang ako ay nanatili ring nanonood sa kanilang pagtatalo.

“Hindi mo kasi naiintindihan, Oliver! Have you ever asked yourself kung ano ang mangyayari once na malaman ng lahat ang totoo?! Alam mo bang habang nakikita ko siya, nagi-guilty ako?!” panunumbat na ngayon ni Kuya Michael kay Oliver.

Ito ang kauna-unahang beses na nakita ko silang ganito kaseryoso. Bakas sa mukha ni Kuya Michael ang pinaghalong pagsisisi at inis, habang si Oliver naman ay tila nakikiusap at sinusubukan siyang makumbinsi.

“Michael, kaunting panahon pa… Hayaan mong unti-untiin natin ang lahat…” mahinahon nang pakiusap ngayon ng aking asawa.

Naikuyom ni Kuya Michael ang kanyang mga kamao habang nanlilisik ang mga mata nito. Dito na ako mas lalong kinabahan dahil nakikita kong sa hindi magandang tagpo mauuwi ang pangyayaring ito.

“Kuya! Oliver!” pagtawag ko sa kanila at agad na pumasok sa pintuan. “Anong nangyayari?! Nag-aaway ba kayo?!” sunod ko pang pag-uusisa dahil sa pag-aalala.

Hindi ko alam kung ano ang mayroon, pero nang makita nila ako ay parehong nanlaki ang kanilang mga mata dahil sa pagkasorpresa. Kung titingnan sila ngayon ay tila isa akong multo na ngayon ay nakatayo sa kanilang harap.

“W-weldy…” nauutal na pagtawag ni Oliver sa akin.

“Daddy? Nag-aaway ba kayo ni Kuya? Hindi ako sanay na ganyan kayo. P’wede n’yo naman sigurong pag-usapan ’yan nang maayos, ’di ba? Hindi n’yo kailangang magsigawan.” pakiusap ko sa kanila.

Hindi sila nakaimik at napansin kong pareho silang napalunok. Mukhang hanggang ngayon ay nabibigla pa rin sila sa presensiya ko.

“Ano? Wala bang sasagot kahit isa sa inyo?” muli kong pagtatanong.

Doon lang sila tila natauhan. Mabilis akong nilapitan ni Oliver at hinawakan ang isa kong kamay. Si Kuya Michael naman ay naiangat ang dalawa niyang kamay at naihilamos ang palad sa kanyang mukha. Kasunod nito ay kumilos siya para talikuran kaming mag-asawa.

“W-weldy… G-ganito kasi ’yon… Makinig ka, ha..?” panimulang pagpapaliwanag sa akin ni Oliver. Kung oobserbahan ko ang kanyang ikinikilos, tila ba kabado siya. “Hindi namin ito p’wedeng ilabas dahil confidential ito sa aming mga doktor. Pero dahil asawa naman kita, sa tingin ko ay ayos lang. Hindi naman siguro ito makakalabas sa iba, ’di ba?” pagkumbinsi pa nito sa akin.

Puno pa rin ako ng katanungan ngunit binigyan ko ng pagkakataon si Oliver na magpatuloy. Inihanda ko na rin ang aking sarili na unawain ano man ang bagay na aking maririnig. May kinalaman man ito sa medikal na hindi kayang iproseso ng aking isip ay susubukan ko pa ring intindihin.

Huminga pa nang malalim si Oliver at sinubukang pakalmahin ang kanyang sarili.

“May isa kaming patient dito at hindi pa namin masabi sa pamilya niya na may taning na siya. Nakiusap sa amin ang pasiyenteng iyon na ’wag iyon sabihin sa kanila. Ang kaso, umaasa naman ang pamilya niya na kaya pa namin siyang mailigtas thru major operation and session of chemo therapies. Naka-schedule na ang operation niya sa susunod na linggo at kami ng Kuya mo ang magha-handle no’n. And the thing is, sigurado rin kami na hindi siya makakaligtas doon. Kaya heto, nagtatalo kami ng Kuya mo dahil gusto na niyang ipaalam iyon sa pamilya ng pasiyenteng ’yon. Nag-aalala kasi siya na baka sa amin pa isisi sa huli ang lahat. May possibilities kasi na maapektuhan ang pangalan nitong ospital.” mahabang paliwanag ni Oliver sa akin.

Sinasabi ko na nga ba, sasakit ang ulo sa ilang mga detalye. Ngunit sa kabila nito, may ilang bahagi rin naman akong naintindihan sa naging paliwanag ng asawa ko.

Nakaramdam din ako ng lungkot para sa pamilya ng pasiyenteng tinutukoy nila. Hindi madali ang mawalan ng mahal sa buhay lalo na at nakasama na nila ito nang matagal. Sa tingin ko nga ay mas magiging masakit ang kanilang sitwasyon dahil may mga sandali na maaalala nila ang kanilang pinagsamahan. Hindi iyon tulad sa kaso kong wala pang ala-alang nakokolekta kasama ang mga kamag-anak.

Tumango ako nang dahan-dahan bilang pag-intindi. Kasunod nito ay huminga ako nang malalim at ngumiti kay Oliver.

“Naiintindihan ko ang ilan sa mga paliwanag mo, Daddy. Pero sa tingin ko, may punto rin naman si Kuya Michael.” malambing kong pakikipag-usap sa aking asawa.

Napalunok siya at hindi nakapagsalita kaya nagpatuloy ako sa pagpapaliwanag.

“Sa tingin ko, ang gusto lang naman ni Kuya, maging handa lang din ang pamilya ng pasiyente n’yo. Hindi ba mas maganda kung habang naririto pa siya, masulit na nila ang sandali na magkakasama sila? Umaasa ang pamilya niya na pagkatapos ng operasyon ay magsasaya na sila. Pero ano ang mangyayari sakaling ibalita n’yong wala na siya? Kung sa akin mangyari iyon o kung ako ang kamag-anak ng pasiyenteng ’yon, makakaramdam ako ng galit sa inyong mga doktor. Pakiramdam ko, sinira n’yo ang napakalaki kong pangarap.” mahaba kong pagpapaintindi kay Oliver.

Hindi pa rin nakapagsalita si Oliver, ang tanging nagawa lang nito ay ang tumingin sa akin nang diretso. Hindi ko rin mabasa ang nasa likod ng kanyang mga matang naging maamo sa mga oras na ito, umaasa na lamang akong nauunawan niya ang mga sinabi ko.

Inangat ko ang aking isang kamay upang haplusin ang pisngi ng asawa ko. Kasunod nito ay nakangiti pa rin akong nakipag-usap dito.

“P’wede n’yo naman ito pag-usapan ni Kuya sa ibang araw. Baka kulang lang din kayo sa pahinga kaya hindi kayo magkaintindihan? Kaya sige na, pakalmahin n’yo muna ang sarili n’yo. Ang pangit n’yo kasi ’pag nakasimagot.” pagbibigay payo ko sa kanila at pagbibiro sa huli.

Dahil doon ay nagawa kong patawanin si Oliver. Kailangan ko lang palang magbiro para mapagaan ang kanyang pakiramdam.

“Yeah. I get it. Tama ka nga siguro.” natatawa niyang reaksyon sa akin. Kasunod nito ay hinarap na rin niya si Kuya Michael na hanggang ngayon ay nakatalikod sa amin. “I guess we’ll just talk about this thing tomorrow. Right, Michael?” pakikipag-usap na niya kay Kuya.

Nagbuntong hininga si Kuya Michael saka dahan-dahang humarap sa amin. Tumango-tango siya at pilit na ngumiti tanda na sumasang-ayon siya sa sinabi ni Oliver.

“Yeah… Pasensiya na kung dinaan ko sa init ng ulo kaya hindi ko masabi ang punto ko. But just like what Weldy explained, ’yon lang naman ang gusto kong ipaintindi sa ’yo. Honesty lang, Oliver. That word, that’s what we need both.” seryoso pa rin nitong sagot na hindi sa amin makatingin nang tuwid. Mukhang hindi pa rin humuhupa ang kanyang inis.

Pinanindigan ko na ang aking pagbibiro. Mabilis akong lumapit kay Kuya Michael at inabot ang ulo nito. Kinusot ko ang kanyang buhok tulad ng laging ginagawa sa akin nito.

“’Wag ka nang sumimangot, Kuya! Ayaw kong dadalaw ka sa amin bukas na ganyan ang pagmumukha! Pangit ka na nga, lalo ka pang pumapangit! Kaya ka walang gelpren, eh!” pang-aasar ko sa kanya habang ginugulo ang buhok niya.

Mukhang nagawa ko namang pagaanin ang loob niya dahil natawa siya. Pero kasunod nito ay itinulak niya nang marahan ang aking kamay para makaalis mula sa ulo niya.

“Nakakainis ka naman, Weldy! Ang hirap kayang ayusin ng buhok ko, alam mo ba ’yon?!” reklamo niyang salubong ang kilay sa akin. “Sige na, umuwi na kayo! Baka kayo pa ang kainin ko dahil sa gutom ko! Kakainin ko pa ’tong pagkain na dinala mo!” sunod pa nitong pagtataboy sa amin.

Pareho naman kaming natawa ni Oliver dahil sa kanyang naging reaksyon. Masarap din pala asarin ang Kuya kong ito. Sa susunod nga ay gagalingan ko pang lalo.

“Paano? Maiwan ka na namin, Michael? Umuwi ka na rin after mong ma-review ang chart. Matulog ka rin! Masyado kang seryoso sa trabaho!” pagpapaalam nang natatawa ni Oliver dito.

Humakbang na rin ako papalapit kay Oliver dahil nakamwestra na rin ang kanyang kamay sa akin para maakbayan ako.

“Yeah, yeah… Ingat kayo. I’ll just see you tomorrow. Dito na lang din ako kakain sa office mo para ipisin ka rito.” sagot naman ni Kuya Michael kay Oliver.

Masaya ako dahil mukhang ayos na silang dalawa. Nagagawa na ni Kuya na biruin ang aking asawa.

Saglit pang pagpapaalam at pag-aayos ng mga gamit na bibitbitin ni Oliver pauwi ay tuluyan na rin naming iniwan sa opisinang iyon si Kuya. Ngayon ay nakaakbay pa rin sa akin si Oliver habang naglalakad kami sa mahabang pasilyo nitong ospital.

“Mabuti na lang pala at nagpunta ang asawa kong ’to! Dahil kung hindi, baka nagkasapakan na kami ng Kuya mo?!” pagbibiro sa akin ni Oliver at hinalikan ang aking sentido.

“Naku, Daddy! ’Pag nangyari ’yon, pareho ko kayong sasapukin! P’wede naman kasing pag-usapan nang maayos pero dinadaan n’yo sa pagsisigawan! Paano kayo magkakaintindihan?!” sermon ko sa kanya.

Natawa naman siya dahil sa aking inasta. Nakarating na rin kami ng elevator at hinihintay na lamang itong magbukas.

“Oo na! Nagsusungit ka na naman! Baka mamaya hanggang sa pagtulog natin, sinesermonan mo ako niyan?” natatawa niyang puna sa akin.

“Kung hindi agad kayo nagkaayos ni Kuya, malamang pupuyatin talaga kita sa sermon, Daddy! Narinig mo?! Magpupuyat talaga tayong dalawa!” sagot ko naman sa kanya.

Mas lalo siyang natawa. Aliw na aliw talaga siya sa panenermon ko sa kanya.

Nang magbukas ang pintuan ng elavator ay akbay niya pa rin ako hanggang sa kami ay makasakay. Naghihintay na lamang kami sa muling pagbubukas nito upang tuluyan na kaming makalabas nitong ospital at makauwi na ng aming bahay.

Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang paglapit pa ni Oliver sa akin para itapat ang kanyang bibig sa aking tainga.

“Weldy…” malambing niyang pagtawag sa akin.

Nangunot ang aking noo dahil sa pagtataka. Kakaiba kasi ang ginawa niyang pagtawag sa pangalan ko. Tila ba may halong landi iyon.

Dahan-dahan ay nilingon ko siya na may ilang pulgada lamang ang layo ng mukha namin sa isa’t isa. Sinalubong ako ng mga mata niyang namumungay sa mga oras na ito. Ito ang klase ng mga mata niyang nakikita ko lamang tuwing nagiging isa ang mga katawan namin nito.

“P’wede naman tayong magpuyat mamaya na dalawa… P’wede kang sumigaw magdamag… Iyon nga lang, sasabayan kita sa paraang pareho tayong mapapahiyaw… Gusto mo ba ’yon, Weldy..?” mapang-akit at makahulugan niyang mungkahi na sinundan niya pa ng pagkagat sa kanyang ibabang labi.

Mula sa pagtataka ay nanlaki ang aking mga mata. Hindi ako nakapagsalita dahil sa pagkabigla.

Grabe siya?! Parang noong isang gabi lang namin iyon ginawa, ah?!

“Sagot, Weldy… Gusto mo ba o hindi..?” tanong niya pa sa akin.

Napalunok ako dahil naglaro sa aking imahinasyon ang magiging senaryo sa oras na makarating kami sa bahay namin nito. Nakikita ko rin sa aking isip kung ano ang mga magiging tagpo sa oras na makapagsolo na kami sa aming kwarto.

Parang natuyuan ako ng lalamunan kaya nauutal akong sinagot ang katanungan niyang iyon.

“G-gusto ko, Daddy… U-uhhmm… P’wede rin bang gawin natin ulit ’yon habang naliligo tayo sa shower tulad noong isang gabi..?”

Marupok. Iyan lang ang bago kong nadiskubre sa aking sarili.

Kailangan ko na rin tanggapin…

May bago na akong kinahihiligang gawin kasama ang lalaking ngayon ay hinahalikan na nang mapusok ang aking labi dito mismo sa loob ng elevator.


A/N

Hehe. Bahala na kayong mag-imagine sa mga susunod tagpo. Chos!

Para po kay

lyzerg31

ang chapter na ito! Thanks, dear, sa support! Pa-kiss! 😘

Salamat sa mga patuloy na nag-aabang ng updates! Sa mga patuloy na bumoboto at sa mga walang sawang nagkokomento, salamat sa inyo! Pasensiya na kung hindi ko na nasagot ang iba sa huling chapter. Babawi na lang po ako sa mga susunod. I love you, guys!

Hanggang sa susunod na chapter! Handa na ba kayo? Charot!

–– cold_deee ❤

07.02.2018

Chapter 19

  ![](https://img.wattpad.com/523cc94c1216964d56fe8bed08255af1365a155b/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f474558624e7345457a524a4936513d3d2d3438353432313435352e313533663835306338373363613634363631313331373838343432362e6a7067)

(Credits to

unknown_krist

for the covers. Thank you so much~ 😘)


FRANCE POV

Tulala at nakatanaw sa kawalan habang nasa kailaliman ng nagniningning na mga bituin at maliwanag na buwan. Dahil sa gabi na ay tanging mga ilaw lamang na naririto sa labas ng bahay ang nagsisilbing liwanag ng paligid ko. Nakaupo sa tabi ng swimming pool at nakalubog ang aking mga paa sa malamig na tubig nito.

Mahigit isang taon. Mahigit isang taon na pala akong naninirahan dito sa bahay ng mga Santillan. Ganoon na pala ako katagal na naririto at hindi ko man lang iyon namalayan.

Kung ganoon, mahigit isang taon na rin pala akong nagpapanggap na Weldy. Nagkukubli sa isang pangalan na hindi ko pag-aari. Nagtatago sa katauhan ng taong hanggang ngayon ay nagbibigay sa akin ng palaisipan. Tumatayong magulang sa dalawang bata. At higit sa lahat ay pinupunan ang pangangailangan ng isang asawa.

Napakabilis lumipas ng panahon. Marami na akong nakaligtaan dahil masyado akong naging masaya kasama ang hiram kong pamilya. Kahit ang nakagisnan kong araw ng aking kapanganakan ay nakaligtaan ko na. Tuluyan na akong nakalimot kahit pa ang tungkol sa aking sarili ang paksa dahil sa pagiging abala.

Hindi pa ako mapapaisip nang tulad nito kung hindi pa ako tinanong ng aking mga anak kanina kung ano ang aking magiging plano sa darating na kaarawan ko — ang kaarawan ng tunay na Weldy.

Dahil sa ang alam nila ay nakalimutan ko ang lahat sa aking nakaraan maging ang kaarawan ko, sila ang nagbigay ng impormasyon sa akin tungkol dito. Ayon sa kanila, hindi namin iyon naidaos noong isang taon dahil natutulog daw ako. Iyon ay noong araw bago ako magising at bumungad na nga sila sa harap ko.

Marami na ang naganap, at dahil sa dami ng mga iyon ay hindi ko na alam kung may pag-asa pa ba akong makawala. Labis na akong napalapit sa mga bata at kay Oliver. Hindi ko akalaing kakainin ko ang lahat ng aking sinabi noong una akong makatapak dito sa kanilang pamamahay. Ang gusto ko lamang noon ay pansamantalang gampanan ang responsibilidad ni Weldy dahil sa pagkawala nito. Ginawa ko iyon dahil nakita ko ang pangungulila ng pamilyang ito. Ang intensiyon ko lamang ay mapabuti ang kanilang kalagayan. Pero sa paglipas ng panahon na kasama ko sila, tuluyan ko na ngang nakalimutan ang aking binitiwang mga salita.

“Nasaan ka na ba talaga, Weldy..?” tanong ko sa aking sarili nang pabulong.

Mahigit isang taon na nga rin ang nakakalipas, ngunit kahit isang palatandaan ay wala akong matagpuan kung may balak pa ba itong magpakita.

Napapikit na lamang ako at napayuko. Naging magulo na ang aking isip dahil sa halo-halo na rin ang mga katanungan dito.

Paano ko nga ba siya naging kamukha? Paano nangyari na sa tinagal-tagal ko ritong kasama ang pamilyang ito ay wala man lang silang nahalata sa aking pagpapanggap? Si Oliver, dapat ay nakitaan niya kami kahit paano ng pagkakaiba dahil asawa niya iyon, dapat ay kilalang-kilala niya si Weldy. Pero bakit wala siyang nabanggit kahit katiting man lang na pagbabago sa akin?

Pero ang talagang nagpapahirap sa kalooban kong katanungan, paano kung sakaling bumalik na nga ang tunay na Weldy? Ano na lang ang mangyayari sa akin?

Iniisip ko rin sina Sister Martina sa bahay-ampunan. Kamusta na kaya sila? Hinahanap din kaya nila ako? Gustuhin ko man silang tawagan o kamustahin, wala naman akong nakikitang paraan para sila ay makausap. Wala na ang lumang cellphone ko o kahit ang mga mahahalagang kagamitan ko. Paano ko sisimulan ang pakikipag-usap sa mga taong naroroon?

Napailing ako habang nakapikit pa rin. Naguguluhan na ako. Naging napakalapit na rin sa aking puso ang pamilyang ito. Sila na ang dahilan kung bakit gumigising akong nakangiti sa bawat umagang gigising ako. Sa kanila na umiikot ang mundo ko.

Mahal na mahal ko ang mga bata at handa akong protektahan sila sa abot ng aking makakaya. At si Oliver — mahal na mahal ko na siya na kahit ang aking sarili ay ibinigay ko nang buo sa kanya. Mahal na mahal ko na siya at nagawa ko pang baguhin at panindigan ang paniniwala ko noong mali sa mata ng madla. Tinanggap ko nang buong puso ang aking naging pagbabago sa kabila ng paniniwalang ipinagbabawal ito ng Lumikha.

Iniisip ko pa lang na aalis ako rito, parang hindi ko na kaya. Parang hindi ko kakayanin kung mawawala sila. Mahal na mahal ko na sila at handa kong ialay ang buong buhay ko sa kanila.

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hanggang kailan ba ako magtatago? Hanggang kailan ang pagpapanggap ko? Hanggang kailan ako tatayong magulang nina Kryz at Marl? Hanggang kailan ako magiging huwad na asawa ni Oliver?

Marami pang katanungan ang tumatakbo ngayon sa isip ko. Nanatili akong nakapikit at nakatungo ang ulo dahil nagsisimula na ring sumakit ito. Hindi ko alam kung ilang minuto ako na nasa ganoong posisyon, naputol na lamang ang mahaba kong pag-iisip nang may maramdaman akong lumapit sa aking pwesto.

“Mukhang malalim ang iniisip ng asawa ko, ah?” tanong ng taong bagong dating at yumuko para halikan ang noo ko.

“D-daddy…” pagtawag ko sa kanyang mauutal nang magtagpo ang mga mata namin nito.

Kumilos siya upang hubarin ang kanyang jacket. Kasunod nito ay isinuot niya rin iyon sa akin.

“Baka magkasakit ka kung magpapahamog ka rito? Sa loob mo na lang sana ako hinintay, Weldy. Bumaba ako rito dahil wala ka sa kwarto. Akala ko kung ano na ang nangyari sa ’yo.” pag-aalala niya sa akin.

Napansin kong hindi pa siya nakakapagbihis ng pambahay. Nakasuot pa siya ng sapatos katunayan na ako agad ang hinanap nito. Dahil doon ay hindi ko naiwasang mapangiti habang iniisip ang naging tagpo.

Siguro nga ay alalang-alala siya sa akin kaya hindi muna ito nag-abalang mag-ayos. Napakasarap talaga sa pakiramdam na may nag-aalala sa akin. Ito ang bagay na nakasanayan ko na sa lalaking ito, ang pag-aalaga nito.

“Dito na kita naisipang hintayin, Daddy. Gusto ko rin kasing magpahangin, eh.” pagbabalita ko sa kanya.

Dahan-dahan siyang kumilos para tabihan ako sa aking kinauupuan. Ang mga paa niya ay nakalapat sa maliliit na damong naririto habang nakapatong naman sa kanyang mga tuhod ang kanyang mga braso. Magkalapit pa rin kami at nanatiling nakapako ang mga mata sa isa’t isa nang sinimulan niyang mag-usisa.

“Why do I have this feeling na parang may problema ka? May nangyari ba?” pag-aalala pa rin niya.

Hindi ko naiwasan ang matawa nang bahagya.

“Mabuti na lang at naintindihan ko ang huli mong tanong, Daddy. Nag-ingles ka na naman kasi,” pagbibiro ko sa kanya. “Wala naman. Wala namang nangyaring hindi maganda, Daddy. Gusto ko lang talagang mapag-isa kahit saglit para makapag-isip.” sagot ko naman sa katanungan niya.

Ito ang isa sa mga nagustuhan ko kay Oliver. Sa halip na pagtawanan ako dahil sa aking kamangmangan, inuunawa niya ang aking kalagayan.

Tumango siya nang marahan. Alam kong nagtataka pa rin siya ngunit pinili na lamang niyang sang-ayunan ang aking idinahilan.

Sandaling katahimikan ang namayani sa aming pagitan habang nakatingin lang kami sa isa’t isa. Huminga ako nang malalim, kasunod nito ay ibinaling ko ang aking mga paningin sa mga paa kong pinaglalaruan pa rin ang tubig.

Sa sulok ng aking mga mata ay napansin kong nakatitig din siya sa aking mga paa. Alam kong nagtataka na talaga siya dahil sa pagiging tahimik ko na hindi niya normal na nakikita.

“Weldy…” pagtawag niyang malambing sa akin. “Gusto mo bang pag-usapan natin ang tumatakbo sa isip mo ngayon? Hindi kasi ako mapakali. Hindi ako sanay na ganyan ka. Kahit nagagawa mong ngumiti ngayon, alam kong may inaalala ka. P’wede mong sabihin sa akin ’yan. Asawa mo ako, kaya dapat, sinasabi mo sa akin ang saloobin mo.” pag-aalala pa rin nito.

Natawa ako nang mapait dahil sa halo-halong emosyon. Napakabait niya talaga. Kaya nga hindi na ako nagtataka na madali akong nahulog sa kanya. Pero dahil sa bumabalot din na kasinungalingan sa aking katauhan, hindi ko rin lubusang maibigay nang buo ang makakapagpasaya sa kanya.

Sa mga oras na ito ay nilalamon na talaga ako ng aking konsensiya. Niloloko ko ang taong ito. Nililinlang ko ang taong nagpakita sa akin ng pagtanggap at pagmamahal na hindi ko pa naranasan sa buong buhay ko.

“Daddy…” malungkot kong pagtawag sa kanya na hindi man lang siya magawang tingnan nang tuwid.

“Ano ’yon..? C’mon, tell me, Weldy… Makikinig ako. Pag-usapan natin ang tumatakbo sa isip mo.” maagap naman niyang sagot sa akin.

Handa na ba talaga ako? Kaya ko bang aminin sa kanya ang sikretong itinatago ko?

“G-gaano… G-gaano mo ba ako kamahal?” nauutal kong tanong sa kanya dahil sa kaba.

Matapos kong itanong iyon ay napapikit ako dahil hindi niya agad nagawang sagutin ang katanungan ko. Natahimik lamang siya at walang kibo.

Nakakaramdam ako ng takot ngunit hindi ko alam kung para saan. Nagsimula na rin akong kapusin ng hininga dahil sa pinaghalong kaba at kalungkutan.

Naikagat ko ang aking ibabang labi na ngayon ay nanginginig dahil sa nerbiyos. Mabilis ang tibok ng aking puso at alam kong ano mang oras ay may kakawala nang luha sa mga mata ko.

Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang marahang paghawak ni Oliver sa pisngi ko. Nasundan pa iyon nang igaya niya ang aking mukha para makaharap sa kanyang pwesto.

Naidilat ko nang dahan-dahan ang aking mga mata. Doon ko natagpuan si Oliver na nakangiti sa akin habang ilang pulgada lamang ang layo ng mukha namin sa isa’t isa.

“I love you…” malambing niyang sambit at hinalikan ako nang marahan sa labi. “Mahal kita kahit ano ka pa… Mahal kita at tanggap kita… Mahal kita kahit ilang beses na tayong sinubok ng tadhana… Mahal kita at walang nagbago simula noong una kitang makilala… Mahal kita kahit minsan mo na akong iniwang mag-isa… Mahal kita, Weldy, kahit pa nakalimutan mo ang lahat sa nakaraan nating dalawa… At kahit paulit-ulit mo akong iwan at kalimutan, hahanapin pa rin kita dahil mahal kita… Mahal na mahal kita at handa kong gawin ang lahat makasama lang kita…” mahaba at madamdamin niya pang lahad sa akin.

Napakasarap pakinggan. Napakasarap damhin ang bawat salitang kanyang binitiwan. Pero kahit gusto kong sumigaw dahil sa saya, hindi ko iyon ngayon magawa. Nilalamon pa rin ako ng aking konsensiya.

Ang tangi ko lamang nagawa ay ngumiti nang tipid sa kanya.

“Mahal din kita, Daddy… Mahal na mahal kita… P-pero…” naisagot sa kanya at saglit akong napapikit kasabay ang malalim na buntong-hininga. “P-paano kung… Paano kung isang araw… Paano kung isang araw, malaman mong may tinatago ako sa ’yo..?” dugtong ko nang puno ng pag-aalala rito.

Mabilis na rumehistro sa kanya ang hindi makapaniwalang reaksyon. Bakas ngayon sa kanyang naguguluhan siya sa katanungan kong iyon.

“H-ha..?” tila hindi pa siya makapaniwala sa narinig niya.

Dahil doon ay mas lalo na akong nakaramdam ng takot. Hindi ko alam kung paano ako magsisimulang magpaliwanag sakaling mag-usisa pa ito. Kaya naman bago pa kami mauwi sa isang matinding argumento ay iniwas ko na ang paningin ko rito. Mabilis kong ibinalik ang aking atensiyon sa mga paa kong nanatili sa tubig ng swimming pool.

Ngayon ko nakumpirma, natatakot talaga akong mawala siya. Na kahit anong subok kong ipagtapat sa kanya ang katotohanan ay taliwas iyon sa aking nararamdaman. Hindi sumasang-ayon ang aking puso dahil natatakot akong mawalan. Natatakot akong maiwan. Natatakot akong bigla na lang niya akong kalimutan.

“H-hindi na bale, Daddy… K-kalimutan mo na ang tanong ko… ’W-wag mo na lang sagutin…” kinakabahan kong pagbawi.

Muling namayani ang katahimikan sa aming dalawa. Wala sa amin ang gumagalaw at nakikiramdam lang kami sa isa’t isa. Nanatili kami sa ganoong posisyon hanggang sa marinig ko ang pagbuntong-hininga niya.

“Weldy…” pagtawag niyang mahinahon sa akin.

Sa kabila ng nabato kong katawan ay sinikap kong lingunin siya. Natagpuan ko siyang diretso ang tingin sa unahan at tila nakatanaw sa kawalan. Wala na roon ang naguguluhan niyang ekspresyon at tila ba payapa na siya ngayon. Kahit naman paano ay lumuwag ang pakiramdam ko dahil doon.

Naghintay na lamang ako sa pagpapatuloy niya hanggang sa gawin na nga niya ito.

“Lahat naman tayo ay may itinatago. Pero sa tingin ko, hangga’t mahal na mahal natin ang isa’t isa, walang dahilan para magkahiwalay tayo at mawasak ang ating pamilya. Lagi mong tatandaan ’yan. Marami na tayong pagsubok na pinagdaanan. Sapat na ’yon para patunayang kakayanin natin ang kahit na anong laban.” mahaba nitong pagtatapat at napangiti sa dulo.

Hindi ako nakaimik sa paglalahad niyang iyon. Alam kong sa mga oras na ito, nasa kailaliman siya ng pag-iisip sa pinaniniwalaan niyang pinagdaanan naming dalawa — na ang katotohanan naman ay ang mga pagsubok na hindi ako ang kanyang kasama kundi ang tunay niyang asawa.

Napalunok ako para ihanda ang aking sarili sa mga sasabihin nito. Alam kong masasaktan ako dahil hindi naman ako ang tinutukoy nito, pero mas nangingibabaw sa akin ang pagnanais na maibigay sa kanya ang pagkakataong magbalik-tanaw sa nakaraan nila. Mahal ko siya at kahit sa puntong ito ay handa akong magpanggap na masaya.

“Natatandaan ko ang lahat ng detalye sa ating dalawa, Weldy. Kung paano tayo nagkakilala, kung paano ako nanligaw sa ’yo, kung paano mo ako sinagot, at kung paano tayo ikinasal hanggang sa magkaanak tayo,” panimula niya at saglit na natawa. “Nakakatawa lang kasi ako na lang ngayon ang nakakaalala sa lahat ng mga ’yon. Ako na lang dahil nakalimutan mo na ang lahat ng ’yon.” dugtong niya pa at napayuko. Napatigil na rin siya sa pagtawa at napalitan na ng kalungkutan ito.

Ang akala ko ay masasaktan na ako sa mga sinabi nito, ngunit ngayong nakikita ko ang labis na kabiguan ni Oliver ay tila ba nahahati sa pira-piraso ang aking puso. Mas masakit pala na makita siyang ganito. Mas nasasaktan ako dahil nasasaktan siya sa mga oras na ito.

Muling inangat ni Oliver ang kanyang mukha at nagbalik sa pagtanaw niya sa kawalan.

“Kung minsan nga, naaawa na ako sa sarili ko, Weldy. Pilit akong umaasa na maaalala mo pa ang lahat. Pero gaano na ba katagal simula nang makalimutan mo ako? Mahigit isang taon na, ’di ba? Bilang na bilang ko ang araw na lumilipas. At sa bawat araw na dumarating, hindi ako nawawalan ng pag-asa na babalik ka na sa dati. Pero tuwing magtatapos ang araw, nanghihina ako dahil walang nagbabago. Hindi mo pa rin maalala na ako ang unang lalaking minahal mo.” mas mahaba pa nitong pagtatapat na sinabayan na rin ng pangingilid ng mga luha nito.

Muli kong naikagat ang aking ibabang labi upang pigilan ang nangingibabaw ko na ngayong emosyon. Ngunit sa kabila no’n, sinikap kong magpakatatag dahil alam kong sa mga oras na ito ay kailangan niya ng makukuhanan ng lakas ng loob.

“Amnesia… That freakin’ condition… Bakit sa ’yo pa..? At sa lahat ng klase ng amnesia, bakit ’yong tipong dissociative pa..? Na kahit puro magagandang bagay naman ang nasa nakaraan natin, kailangan mo pang sadyain..?” natatawa ngunit malungkot ang tono niya pang lahad.

Nangunot ang aking noo dahil sa labis na pagtataka.

“D-diss… Dissiov… Vitiv?” hindi ko mabigkas nang tama ang isang salita na binanggit nito.

Tila ba natauhan si Oliver mula sa malalim na pag-iisip nito. Agad itong lumapit sa akin at hinalikan ang pisngi ko.

“I’m sorry… Term iyon na ginagamit naming mga doktor. Dissociative ’yon. Isang uri ng amnesia na bibihira lang ang may kaso. Tulad ng ordinaryong amnesia, maraming bagay kayong makakalimutan. Pero ang malala kasi sa kondisyong ’yan, pinili n’yong maging ganyan. Ibig sabihin, kayo mismo ang nagdesisyon at nag-utos sa isip n’yo na kalimutan ang lahat sa nakaraan. Sa madaling salita, sinadya n’yo iyon hanggang sa maging matagumpay.” mahaba nitong paliwanag nang mahinahon.

Naiintindihan ko ang kanyang paliwanag, pero mas lalo lang akong napaisip dito.

Posible ba iyon? Nangyayari ba talaga na sasadyain ng isang biktima na kalimutan ang nakaraan niya?

Dahil sa aking nadiskubre ay natulala na lamang ako at hindi nakapagbigay ng reaksyon sa mga sinabi ni Oliver.

Nagbalik sa dating pagkakaupo si Oliver at nagpatuloy pa sa pagpapaintindi sa akin ng bagay na iyon.

“Hanggang ngayon nga, palaisipan pa rin sa akin kung bakit pinili mong kalimutan ang lahat. Wala naman tayong naging pagtatalo bago ang aksidente mo. Alam kong hindi mo ito masasagot sa ngayon, pero bakit pinili mong burahin ang alaala mo? May naging kasalanan ba ako sa ’yo? May naging pagkukulang ba kami ng mga anak mo?” sunod-sunod na nitong pagtatanong na tila ba may halong panunumbat. Nilingon na rin niya ako at nakita ko ang hinanakit sa kanyang mga mata. Dahil dito ay bigla rin akong nataranta.

“Daddy, hindi! ’Wag mong sabihin ’yan! Hindi kayo nagkulang sa akin! Sobra-sobrang pagmamahal ang pinaramdam n’yo sa akin! ’Wag kang mag-isip nang ganyan!” maagap kong pagkontra sa kanyang mga sinabi.

“Pero bakit nga?” muli niyang tanong.

Dito ay hindi ko na nagawa pang makapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang itutugon kaya wala akong nagawa kundi ang tumitig lamang sa kanya.

May ilang minuto pa siguro kaming binalot ng katahimikan hanggang sa muli siyang magbuntong-hininga.

“I’m sorry…” sambit niya sa malungkot na tono. “Frustrated lang talaga ako na malaman ang sagot, Weldy. Araw-araw kasi, ’yan ang katanungan ko. Araw-araw akong naghahanap ng sagot. Pero dahil wala ka ngang maalala, napakaimposible pang masagot ’yon sa ngayon.” sunod niya pang pagbawi at paliwanag.

Napayuko ako dahil sa hiya. Hiya sa aking sarili at sa kanya. Nahihiya ako dahil sa aking pagkukunwari at pagpapanggap.

“Hayaan mo na ’yon, Weldy,” pagsasalita niya pa makalipas ang ilang sandali. “Nagpapasalamat na lang din ako kahit paano dahil hindi mo nagawang magcreate o gumawa ng ibang alaala sa isip mo. Iniisip kong masuwerte pa rin ako dahil nabura lang ang alaala mo, pero hindi ka umembento ng ibang katauhan at kaganapan sa isip mo.” sunod niya pang pagtatapat.

Muli akong binalot ng katanungan dahil sa kanyang mga sinabi. Naiangat ko nang dahan-dahan ang aking mukha para siya ay tingnan nang tuwid.

“A-ano ibig mong sabihin, Daddy?” naguguluhan ko na namang tanong sa kanya.

Saglit siyang ngumiti at tiningnan din ako nang tuwid bago nagsalita.

“May ibang kaso kasi ng amnesia na habang natutulog sila, nagiging abala rin ang isip nila sa paggawa ng panibagong memorya. Gumagawa sila ng mga tauhan sa isip nila. Gumagawa rin sila ng maraming karanasan sa isip na sila ang kasama nila. Parang panaginip, pero silang mga pasyente mismo ang may gawa. Kaya sa oras na magising sila, iyon na ang kanilang naaalala at hindi na ang mga tunay na taong nakapaligid sa kanila.” paliwanag naman niya sa akin.

Nang marinig ko ang paliwanag niyang iyon ay nagbalik ang labis na takot sa dibdib ko. Muli kong naramdaman ang mabilis na pagtibok ng puso ko.

“P-posible ba ’yon?” kinakabahan kong paniniguro.

“Mmmm…” sagot naman niyang tumatango. “Doktor ako at alam ko ’yon. At sa maraming kaso ninyong may ganyang kondisyon, dalawang porsiyento sa inyo ang nakakaranas no’n.” dugtong niya pang pagsagot.

Pakiramdam ko ay biglang sumakit ang ulo ko dahil sa halo-halong bagay na tumatakbo rito. Nagsimula na rin akong maguluhan at magduda sa sarili ko.

Bigla kong naalala sina Sister Martina at ang mga bata sa bahay-ampunan. Nagbalik din sa aking isip ang lahat ng aming mga pinagdaanan ganoon din ang aking kabataan.

Ngayon ay hindi ko na naiwasang tanungin ang sarili ko; Posible kayang hindi totoo sina Sister Martina at ang mga batang naroroon? Hindi kaya, totoo ang sinabi ni Oliver na gawa-gawa ko lang ang mga iyon sa aking isip? Pero paano mangyayari iyon kung lahat ng detalye sa aking nakaraan ay natatandaan ko?

Bigla kong naalala ang katanungan ko kanina noong hindi pa dumarating si Oliver — kung bakit tila wala man lang siyang napansing kaibahan namin ni Weldy na siyang asawa nito. Nagkakaroon na rin ako ng pagdududa sa aking sarili dahil bigla kong natandaan na marunong din daw tumugtog ng piano si Weldy.

Hindi kaya…

Hindi kaya…

…ako talaga si Weldy?

Hindi kaya nangyari nga talaga sa akin ang sinabi ni Oliver na gumawa lang ako ng panibagong memorya sa aking isip?

Hindi kaya ako talaga ang kanyang asawa at may dalawang anak na kami?

Hindi kaya ang akala ko ay nagpapanggap lang ako rito?

Dahil sa labis na pag-iisip ay nahilot ko ang aking sentido. Napapikit na rin ako dahil literal nang sumasakit ang ulo ko. Naguguluhan na ako dahil sa mga impormasyong ibinahagi ni Oliver.

“Weldy?” biglang pagtawag sa akin ni Oliver makalipas ang ilang sandali. “A-are you okay?” pag-aalala pa nito. Kasunod nito ay kumilos siya para hawakan ang magkabilang pisngi ko.

Hindi ako nakapagsalita. Kahit ang ibuka ang aking bibig ay hindi ko magawa. Parang sa mga oras na ito ay nakikipagtalo na ako sa aking utak. Ang nagawa ko na lamang ay sagutin si Oliver sa pamamagitan ng mga pag-iling habang may mumunting luha sa aking mga mata.

Dito na tuluyang kumilos si Oliver para yakapin ako at haplusin nang marahan ang likod ko. Iyon lamang ang naging paraan niya upang pakalmahin ako.

“Ssshhh… I’m sorry… Naguluhan ka ba sa mga sinabi ko? I’m sorry… ’Wag mo nang isipin ’yon…” pakiusap nito na tila awang-awa sa sitwasyon ko.

Hindi ba’t sa mga oras na ito ay ako ang dapat na humingi ng tawad sa kanya? Sa may kahabaang panahon na magkasama kami, hindi ko man lang nabigyan ng pansin ang nararamdaman niya. Hindi ko man lang inalalang kamustahin siya. Mahigit isang taon na siyang nangungulila. Mahigit isang taon na siyang naghahanap ng kasagutan sa tanong niya. At heto ako, wala man lang nagawang paraan para maipakita ang pasasalamat ko sa kanyang suporta.

Dahil sa pagsisisi ay hindi ko na nagawang pigilan ang mga luhang kumawala mula sa mga mata ko. Inangat ko ang aking mga kamay para suklian ang mahigpit na yakap ng asawa ko. Matindi ang aking pagkapit sa kanyang polo habang palakas nang palakas ang mga pag-iyak ko.

“S-sorry rin, Daddy… S-sorry sa lahat… Naguguluhan na ako… Sorry kung ganito ako…” sunod-sunod kong paghingi ng tawad sa kanya sa pagitan ng paghikbi ko.

Labis na lungkot ang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Nalilito pa rin ako ngunit mas nananaig ang pag-aalala ko sa taong ito. Gusto ko rin masagot ang kanyang mga katanungan ngunit hindi ko alam kung paano.

Nahihirapan pa rin akong tanggapin sa aking sarili kung may katotohanan ba ang kanyang mga sinabi. Nakakaramdam kasi ako ng panghihinayang sakaling ang bahay-ampunan, si Sister Martina, ang mga batang naroroon, at maging ang kamag-anak na aking hinahanap ay hindi lahat totoo. Pakiramdam ko kasi ay buhay na buhay silang lahat sa alaala ko.

Pero dahil sa mga naging pahayag sa akin ni Oliver, hindi ko na rin maikakaila, unti-unti na akong nakukumbinsi na gawa-gawa ko lang silang lahat.

“Ssshhh… ’Wag ka nang umiyak, Weldy… Ayaw kong nakikita kang ganyan… Tumigil ka na, please..? I’m sorry… ’Wag mo na akong alalahanin… Kaya ko ’to… Ngayon pa ba ako susuko? Kasama na kita… Kasama ka na namin ulit ng mga bata…” pagkumbinsi pa nito sa akin.

Hindi ko nagawang tugunan ang mga sinabi niya, dahil sa mga oras na ito ay unti-unti ko nang pinapakalma ang aking sarili. Ginagawa ko iyon sa pamamagitan ng pag-iisip na iisa lang kami ni Weldy.

Ito lang. Ito lang ang nakikita kong paraan para sa kanya ay makabawi — ang yakapin at tanggapin sa aking sarili na ako nga talaga si Weldy.

Nagpatuloy pa kami sa ganoong tagpo ni Oliver. Tanging boses ko lamang dahil sa aking pag-iyak ang naririnig sa tahimik na gabi. Hindi naman ako binitiwan ni Oliver at ramdam kong wala siyang balak gawin iyon hanggang sa ako ay mapatigil.

“Weldy…” malambing niyang pagtawag sa akin makalipas ang mahabang minuto naming pananahimik.

Tama ang narinig kong pagtawag niya sa akin. Ako ito. Ako si Weldy. Ako ang asawa ni Oliver.

“D-daddy…”

Sa wakas ay nagawa kong makasagot sa kabila ng aking patuloy na paghikbi.

Hindi agad nagsalita si Oliver. Patuloy niya pa ring hinahaplos ang aking likod at hinalikan ako sa leeg.

“Hindi na kita pipiliting alalahanin ang lahat sa nakaraan… Ayaw kong nakikita kang ganito. Ayaw kong nakikita ang paghihirap mo dahil nasasaktan din ako.” malambing niyang pagbubunyag sa pagkakataong ito.

Dahil sa kanyang sinabi ay natigilan ako. Unti-unti ay kumalas ako sa kanyang pagkakayakap upang harapin ito.

Natagpuan ko ang nagliliwanag at mapupungay niyang mga mata habang nakatingin sa akin nang diretso. May tipid na ngiti sa kanyang labi na paraan niya para mapakalma ako.

“A-anong ibig mong sabihin..? Ayaw mo na bang maalala ko ang lahat ng nakaraan natin..?” tanong ko sa kanya habang suot ang aking pagtataka.

Inangat niya ang kanyang mga kamay patungo sa aking magkabilang pisngi. Ginawa niya iyon upang pahirin nang marahan ang mga luha ko gamit ang kanyang mga daliri.

“Naisip ko lang, Weldy, na hindi na mahalaga ang nakaraan… Ang importante, nandito ka at kasama pa rin kita… P’wede naman tayong magsimula ulit, ’di ba..? Panibagong alaala… Panibagong memorya na p’wede mong makolekta… Wala naman kaibahan ’yon, ’di ba..? Tayo pa rin ang magkakasama ng mga bata bilang isang pamilya… Hayaan mo na ang nakaraan… Bumuo na lang tayo ng panibagong karanasan…” mahaba niyang lahad at ngumiti nang napakatamis sa huli.

Nang marinig ko ang bagay na iyon ay kusa na lamang gumuhit ang ngiti sa labi ko. Patuloy pa rin ang pagdaloy ng aking mga luha ngunit kaiba na ito sa pagkakataong ito — luha na ng labis na kaligayahan ito.

“D-daddy…” umiiyak kong pagtawag sa kanya at hinawakan ang kamay niyang nanatili sa aking mga pisngi. “S-salamat… Salamat sa pang-unawa… Salamat sa lahat, Daddy…” pagpapatuloy ko pa habang nakangiti.

Mabilis na nabura ang nakakalunod na lungkot ko. Ramdam ko pa rin ang mabilis na tibok ng aking puso, pero sa pagkakataong ito, sigurado akong dahil sa labis na kasiyahan ito.

Lumapit si Oliver at mabilis na hinalikan ang aking labi.

“’Wag ka nang umiyak…” pakiusap niyang muli at hinalikan na naman ako sa labi. “Mahal kita… Mahal na mahal kita, Weldy… Kaya kahit anong mangyari, walang makakapaghiwalay sa atin… Kahit pa subukin tayo nang paulit-ulit ng panahon, nangangako ako, mananatili ako sa tabi mo… ’Wag ka na rin sanang humanap ng iba pang dahilan… Basta’t mahal natin ang isa’t isa, mananatili tayong matatag at walang makakapaghiwalay sa ating dalawa…” mahaba at malambing niyang litanya habang nakangiti ito.

Para akong nakasakay sa ulap habang dinadama ang bawat salitang nanggaling kay Oliver. Ramdam ko ang senseridad. Nakikita ko rin sa kanyang mga mata ang seguridad.

Hindi nababawasan ang aking ngiti nang tumango ako kay Oliver.

“Naiintindihan ko, Daddy… Gusto ko rin malaman mo na mahal din kita… Mahal na mahal at handa akong ipagpatuloy ang nasimulan nating dalawa…” sagot ko sa mga sinabi nito.

Mas nagliwanag naman ang mga mata ni Oliver nang marinig ang pahayag ko. Naging malawak ang kanyang pagkakangiti at hindi maikakaila ang labis na kasiyahan nito.

“Thank you… Thank you… I love you… I love you… I love you, Weldy… I love you…” reaksyon niya sa pagitan ng bawat paghalik sa labi ko.

May mahihiling pa ba ako sa mga oras na ito? Sa tingin ko ay wala na. Natanggap ko na ang pinakamagandang bagay na hinahangad ng bawat tao. Hindi ko na kailangan pang ungkatin ang nakaraan o alalahanin ito. Masaya na ako. Masaya na ako sa piling ni Oliver at ng mga anak namin nito.

Desidido na ako, kalilimutan ko na ang pinaniniwalaan kong nakaraan ko. Magsisimula ako ng panibagong buhay magmula sa mga oras na ito.

Hindi na ako ang France na binuhay ko sa isip ko.

Ako na si Weldy.

Ako ang nag-iisang asawa ng taong nasa harap ko.

Halos ayaw na naming matapos ang gabing ito ni Oliver. Pareho naming pinaramdam sa isa’t isa ang nag-uumapaw naming saya. Dito pa rin sa tabi ng swimming pool at sa kailaliman ng payapang gabi ay nagplano kami ng mga gagawin para sa mga susunod na araw at maraming taon na magkasama. Mga plano upang mas dumami pa ang mga paninagong alaala na aking makokolekta.

“Sigurado ka bang ayos ka na?” malambing niyang tanong sa akin habang nasa ibabaw ko siya at magkatapat ang aming mukha.

“Mmmm…” sagot kong tumatango sa kanya. “Ang saya-saya ko nga ngayon bago tayo matulog, eh!” dugtong ko pang masigla.

Natawa naman siya sa naging reaksyon ko. Hinayaan ko na lamang siya dahil nakikita kong napakasaya talaga nito.

Matapos ang pag-uusap namin kanina sa labas ni Oliver ay nagdesisyon na rin kaming pumasok sa aming bahay. Saglit lang din siyang naligo at ngayon nga ay naririto na kami sa kama upang maghandang matulog.

Nagkatuwaan pa kami kanina habang naghahandang magpahinga. Para kaming bumalik sa pagkabata dahil sa kulitan namin na nauwi sa pangingiliti niya sa aking baywang. Kaya heto, nagtapos ang lahat sa pagkakahiga ko sa kama habang nasa ibabaw ko siya.

May ilang segundo pang sinulit ni Oliver ang kanyang pagtawa na sinabayan ko na rin hanggang sa kumalma na rin kaming dalawa. Hindi pa rin siya umaalis sa aking ibabaw hanggang sa simulan niyang suriin ang aking mukha habang ilang pulgada lamang ang pagitan namin nito.

Sa mga oras na ito ay tanging ang malamlam na ilaw lamang ang nagsisilbi naming liwanag dito sa aming kwarto. Hindi naman iyon naging hadlang upang malinaw kong makita ang bawat parte ng mukha nito — ang mukha niyang sa paningin ko ay napakaperpekto.

Hindi ko alam ang iniisip niya sa mga oras na ito habang sinusuri niya ang aking mukha. Ginagawa niya iyon habang suot din ang magandang ngiti niya. Walang nagsasalita sa amin kaya nakabibinging katahimikan na ngayon ang nasa pagitan naming dalawa.

Makalipas ang ilang minutong panunuri niya sa akin ay nagawa na niya akong tingnan nang tuwid. Naroon pa rin ang ngiti sa kanyang labi ngunit tila ba mayroon siyang malalim na iniisip.

“Weldy…” pagtawag niya sa akin makalipas ang ilang sandali.

Gusto ko sanang matawa dahil sa pagiging seryoso nito ngunit pinigilan ko dahil baka ikapikon niya pa ito. Ngumiti na lang ako at tumango bilang pagtugon. Sa pamamagitan din no’n ay pinaparating ko sa kanya ang mensaheng magpatuloy lang siya.

Mukhang nakuha naman niya ang ibig kong ipakahulugan dahil tumango rin ito. Ngunit bago niya nagawang magsalitang muli ay nagbuntong-hininga muna ito.

“Paano kung… Paano kung dumating din ang oras na malaman mong ako naman ang may tinatago sa ’yo? Anong gagawin mo?”

Natigilan ako dahil sa katanungan niyang iyon. Hindi ko na rin naiwasan ang makaramdam ng pagkabahala dahil tuluyan nang naging seryoso ang kanyang ekspresyon.

Hindi na siya nagsalita pa. Sa bawat pagpatak ng segundo ay unti-unti na ring gumuguhit kanya ang pag-aalala. Nakikita kong naghihintay siya sa aking magiging kasagutan at wala siyang balak na bawiin ang kanina lamang ay ako ang nagtanong.

Ano nga ba ang gagawin ko kung sakaling malaman kong may tinatago siya sa akin? Magagalit ba ako sa kanya? Susumbatan ko ba siya?

Inabot yata ako ng mahigit isang minuto sa pag-iisip, ngunit nang maalala ko ang mga naging pahayag niya kanina ay muli akong napangiti.

Dahan-dahan ay inangat ko ang aking mga palad upang ilagay iyon sa magkabila niyang pisngi. Ginawa ko ang kanina niya ring ginawa sa akin.

“Daddy…” malambing kong pagtawag sa kanya. “Kahit ano pa ’yon, mas mangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko sa ’yo… Mahal na mahal kita ganoon din ang mga anak natin nang higit pa sa buhay ko… Pinapangako ko rin sa ’yo, hindi magiging hadlang ang tinatago mo kung mayroon man para iwan kayo… Mahal na mahal kita at handa kong tanggapin ang lahat sa ’yo kahit pa ang pagkakamali mo… At gaya ng sinabi mo kanina, basta’t mahal natin ang isa’t isa, mananatili tayong matatag at walang makakapaghiwalay sa ating dalawa…” mahaba ko pang sagot sa kanya.

Matapos kong ilahad sa kanya ang aking tunay na nararamdaman ay mabilis na nagbalik ang ngiti sa labi ng asawa ko. Nawala na ang pag-aalala sa kanyang mukha at tila ba gusto na niyang sumigaw dahil sa tuwa sa mga oras na ito.

“Thank you, Weldy! Thank you!” wika niya at hinalikan nang paulit-ulit ang aking pisngi maging ang tainga ko.

Dahil doon ay hindi ko naiwasang magpakawala ng tawa. Nakikiliti ako sa paraan ng paghalik niya. Mukhang naaliw naman siya kaya paulit-ulit niya pa iyong ginawa.

Ilang minuto rin kami sa ganoong tagpo at halos magpagulong-gulong na rin kami sa kama. Napatigil na lamang kami noong halos hindi na ako makahinga dahil sa labis na pagtawa.

Ngayon ay baliktad na ang aming pwesto dahil sa katuwaan namin nito — siya na ang nakahiga sa kama at ako na ang nasa ibabaw nito.

“I love you, Weldy…” malambing niyang sambit at nagawa pang hawiin ang aking buhok na humaharang sa mga mata ko.

“I love you too, Daddy…” tugon ko naman dito sa malambing ko ring tono.

Nagtapos ang gabi sa pamamagitan ng madamdamin naming pagpapahayag ng nararamdaman sa isa’t isa na nasundan pa ng pagdikit ng labi naming dalawa.


A/N

Hanuna?? Wala muna akong sasabihin. Chareng!

Para po sa iyo ang chapter na ito,

bangchin_trash

! Maraming salamat sa support! 😘

Hanggang sa muli po, mga mahal ko! Salamat sa mga patuloy na nagbabasa at sumusuporta sa kuwentong ito! Labyu!

–– cold_deee ❤

07.09.2018

Chapter 20


FRANCE POV

“Hello, Daddy?!”

“Oo, nandito na kami ng mga bata sa The Empire Palace! Ang ganda pala rito?!”

“Sana makasama ka na sa susunod naming pagsisimba ng mga bata!”

“Sige, mag-iingat ka, ha?! Didiretso na kami sa restaurant!”

“I love you too!”

Matapos ang masigla kong pakikipag-usap na iyon ni Oliver ay muli kong ibinulsa ang aking cellphone. Ibinalik ko na rin ang pagkakahawak sa kamay nina Kryz at Marl na nasa tabi ko.

“Pupunta na raw po ba si Daddy, Papa?!” masiglang tanong sa akin ni Marl.

“Mmmm! Nasa sasakyan na raw siya! Hintayin na lang daw natin siya sa restaurant!” sagot ko pa ring masigla.

Nagpatuloy kami sa paglalakad ng aking mga anak dito sa malaking hotel. Sakay ng taxi ay bumiyahe kami patungo rito para idaos ang kaarawan ko. Hindi namin ito nagawa noong isang taon kaya hindi ko mapigilan ang makaramdam ng saya sa mga oras na ito.

Para sa biktimang tulad ko na nakakaranas ng kakaibang kondisyon, bago ang lahat ng ito para sa akin. May malaki mang panghihinayang sa mga alaalang nakatatak sa aking isip, masaya naman ang aking kasalukuyan. May mga anak akong bukod sa mababait at cute, mahal na mahal ako. Mayroon din akong asawa na sa kabila ng aking kondisyon ay iniintindi at minamahal din ako. Sapat na ang mga dahilang iyon para makuntento at maging masaya ako sa piling ng pamilyang ito.

“Anak, malayo pa ba ang pupuntahan nating restaurant?” bigla kong pagtatanong kay Kryz habang patuloy pa rin kaming naglalakad.

Tiningala naman ako nito habang may matamis siyang ngiti.

“Sa second floor pa po ’yon, Papa. Favorite restaurant mo po ’yon before. Lagi po tayong nagpupunta rito to watch movies, to play, and sometimes, nagche-check in po tayo for three days. Family date na po natin ’yon.” masigla namang pagbibigay impormasyon sa akin nito.

Hindi ko naiwasang mapatigil sa paglalakad at yumuko para mahalikan sa pisngi ang aking panganay.

“Thank you, Kryz, ha? Hayaan mo, sa susunod, ako na ang maglilibot sa inyo rito. Pero sa ngayon, pagpasensiyahan mo muna si Papa, ha? Wala kasi akong maalala kaya hindi pa ako rito pamilyar.” pagpapaintindi ko sa kanya.

“No worries, Papa. Anything for you po. And besides, I promised Daddy na ako po ang magiging tour guide mo today.” mabilis naman na sagot nito sa akin.

Napakasuwerte ko talaga sa kanila. Labis ang kanilang pang-unawa sa akin sa kabila ng murang kaisipan nila.

Magpapatuloy na sana kami sa paglalakad na tatlo ngunit muli na naman akong napatigil dahil hindi gumalaw mula sa pwesto ang aming bunso.

Nangunot ang noo ko dahil sa pagtataka nang makita kong nakanguso at nakasimangot ngayon si Marl.

“What’s wrong, baby? You want… y-you… me… u-uhhmm… Pagod ka na ba? Gusto mo bang magpakarga kay Papa?” tangka ko sanang pag-i-ingles pero sa una lang ako naging matagumpay.

Umiling naman bilang pagsagot si Marl ngunit nanatili ang pagsimangot niya.

“Eh, bakit ka nakasimangot? Ang pogi-pogi ng anak ko pero nakasimangot, oh?” paglalambing ko naman sa kanya.

Salitan niya naman kaming tiningnan ng kanyang ate bago nagawang magsalita.

“Bakit po si Ate, binigyan mo ng kiss..? Bakit po ako, wala..? Sabi po ni Daddy, dalawa kaming tour guide mo, eh…” tila nagtatampo nitong sagot sa aking tanong.

Saglit kaming natigilan ni Kryz, ngunit matapos iyon ay pareho rin kaming natawa. Nawala sa aking isip na medyo seloso nga pala ang aming bunso. Masyado siyang malapit sa akin kung kaya dapat ay lagi kong nilalambing ito.

Sa halip na pahabain pa ang aming usapan ay kumilos na lamang ako para buhatin si Marl. Kasunod nito ay hindi ko tinigilan ang paghalik sa kanyang pisngi hanggang sa bumalik ang ngiti sa kanyang labi.

“Mmmm! Ang bango-bango naman ng bunso ko! Parang baby! Mana kay Papa, oh?!” paglalambing ko kay Marl habang paulit-ulit na hinahalikan ito.

Ilang beses ko pa iyon ginawa kay Marl hanggang sa awatin na ako ni Kryz.

“Tama na po, Papa! Let’s go na po! Baka maunahan pa tayo ni Daddy sa restaurant!” natatawa nitong pagyaya sa akin.

Hindi maalis ang malawak kong ngiti nang muli kaming magpatuloy sa paglalakad. Hawak ng isa kong kamay si Kryz at karga ko naman si Marl. Kung kakayanin ko lang sanang kargahin silang pareho ay ginawa ko na. Marami kasi ang tao ngayon dito sa hotel kaya gusto kong masiguro na hindi sila malilingat sa paningin ko. Kailangan ko silang mabantayang mabuti dahil sila ang pinakaiingatang yaman namin ng asawa ko.

Kung namangha ako kanina sa ganda nitong hotel, mas lalo akong pinabibilib nito habang tumatagal ang aming paglilibot. Ang sahig nito ay tila ba mga salamin dahil sa sobrang kintab nito. Ganoon din ang mga dingding na maraming palamuti at mukhang mamahalin. May parte pa na maraming bulaklak at ipinintang mga larawan.

Ayon kina Ate Aning at Ate Loca kanina bago kami makaalis ng bahay, sobrang laki raw ng hotel na ito at kompleto ang serbisyong ibinibigay. Tulad ng sinabi ni Kryz kanina, may sinehan, swimming pool, iba’t ibang kainan, at kung ano-ano pa na parang nasa isang mall na rin kami. Sinabi rin sa akin ni Oliver kagabi na kilala rin daw ang hotel na ito sa pagkakaroon ng malawak at legal na sugalan na kung tawagin nila ay ‘Casino’. Hindi ko na lang inusisa ang bagay na iyon dahil wala naman akong interes sa pagsusugal.

Sa ngayon ay sina Kryz at Marl lang ang inaasahan ko sa lugar na ito. Nakakahiya man na mga bata ang aking gabay ay wala naman akong magagawa. Hindi namin ngayon makakasama sina Ate Aning, Ate Loca, o kahit pa si Kuya Michael. Gusto kasi ni Oliver na kami munang magpamilya ang magdiriwang ng aking kaarawan. Bukas na lang daw kami babawi sa kanila.

Matapos akyatin ang ikalawang palapag ay pare-pareho kaming napasigaw sa galak ng aking mga anak. Sinalubong kasi kami ng naglalakihang pigura nina Dora at Boots. Nasa labas ito ng isang tila palaruan nitong hotel na siyang sumasalubong sa mga papasok dito.

“Papa! Picture po tayo kay Dora!” sabay na pagyaya sa akin nina Marl at Kryz. Halos kaladkarin na nila ako para makarating sa pigura ng paborito nilang karakter sa TV.

Tumatawa naman akong sumusunod sa dalawa kong anak. Nakakaaliw sila dahil bakas sa kanila ang labis na tuwa.

“Sige! Tumayo kayo sa tabi niya! Tapos, ako naman ang kuhanan n’yo ng picture kay Boots, ha?!” masigla ko namang pagsang-ayon sa kanila.

Mabilis silang sumunod sa aking utos at tumayo sa malaking pigura ni Dora. Inihanda ko na ang aking sarili at lumayo sa kanila nang bahagya. Kinuha ko ang aking cellphone mula sa bulsa at may ngiti sa aking labi na itinapat sa kanila ang camera.

Hindi ko alam kung ilang beses ko silang kinuhanan ng larawan dahil sa aking pagkaaliw. Iba’t ibang posisyon kasi ang ginawa nilang magkapatid at halos humiga na rin sila sa sahig.

“Ako naman! Tatabi ako kay Boots! Gandahan n’yo, ha?” natatawa kong pagtawag sa kanila habang iniaabot din ang aking cellphone.

Para akong nagbalik sa pagkabata dahil sa tuwa. Mabilis akong nagtungo sa tabi ni Boots at niyakap ang pigurang iyon nang sobrang higpit. Sina Kryz at Marl naman ay natatawa rin akong pinapanood nang simulan nila akong kuhanan ng picture.

Marami pa rin ang tao sa bahaging ito kaya ang ilan ay nakukuha ko ang kanilang atensiyon. May mga ngumingiti at natatawa, ngunit wala akong pakialam sa mga iyon. Basta ang sa akin, masaya kami ng mga anak ko ngayon.

Masaya na sana ang panimula ng aking kaarawan. May mga makokolekta na sana akong bagong karanasan.

Pero….

“Kryz!! Marl!!” sigaw kong nangingilabot dahil sa sumunod na tagpo.

Isang malakas na pagsabog ang yumanig sa loob ng hotel na ito. Kasunod nito ay nagsimula na rin ang dumadagundong na sigawan at takbuhan ang mga tao.

Hindi pa iyon doon nagtapos. Nasundan ang malakas na pagsabog nang makarinig naman kami ng sunod-sunod na pagputok. Hindi ako sigurado, pero base sa alaalang mayroon ako, tunog na nagmumula sa mga baril ang naririnig namin sa mga oras na ito.

“Papa!!!” sabay na paghingi ng saklolo ng dalawa kong anak nang mabangga sila ng mga nag-uunahang tao na nais makalabas. Napaluhod at napahiga na rin sila sa sahig kung saan sila huling nakatayo.

Mabilis akong kumilos habang nanlalaki ang aking mga mata para takbuhin ang kanilang pwesto. Wala na akong pakialam kung may mabangga akong tao, ang mahalaga sa akin ay maprotektahan ang mga anak kong binabalot na ngayon ng labis na takot.

Nang makalapit ako sa kanila ay may ilang tao pa akong itinulak dahil sa muntikan na nilang matapakan ang mga anak ko. Matapos iyon ay agad akong yumuko para kargahin silang dalawa sa bisig ko.

“Tumabi kayo!!! Umalis kayo!!! Paraanin n’yo kami!!!” sigaw ko sa mga taong nakakasabayan ko sa pagtakbo.

Hindi na ako makapag-isip nang tama dahil sa pagkataranta. Nahihirapan man sa pagkarga sa dalawang bata ay sinikap kong makatakbo at sumabay sa nagkakagulong mga tao. Ginawa ko ang lahat upang makaiwas kami sa posibleng delubyo.

“P-papa….!!” sabay na iyak nina Kryz at Marl.

Hindi ko alam ang dapat gawin para patigilin ang kanilang mga luha. Ramdam ko ang kanilang takot lalo na at mas naging mahigpit ang kapit nila sa katawan ko.

Nanginginig ang aking buong katawan dahil ramdam ko ang matinding panganib. Pero sa kabila nito, sinikap kong ilabas ang buo kong lakas para mailigtas ang mga anak ko.

Parang nagbalik sa aking isip ang senaryo na nabuo sa isip ko. Muli rin nanariwa sa akin ang matinding takot na minsan ko nang naramdaman.

Ganito-ganito ang senaryo na binuo ko sa aking isipan — ang paglubog noon ng barko na aking sinasakyan bago ako makarating sa bahay ng mga Santillan.

Naging magulo ang aking isip ngunit mas nanaig sa akin ang pagnanais na mailigtas sina Marl at Kryz. Iwinaglit ko sa aking sarili ang alaalang alam kong isa lamang malaking pagkakamali.

Nagtangka akong balikan ang escalator na sinakyan namin kanina para makaakyat dito sa ikalawang palapag, ngunit napaatras din ako nang makita kong marami na roon ang nagtutulakang tao.

Napailing na lang ako bilang pagkumbinsi sa aking sarili na ’wag makipagsabayan sa kanila. Mas mapanganib kung doon kami dadaan. May posibilidad na maipit kami at mas mapanganib kung doon kami makikipagsiksikan.

Muli akong kumilos upang makahanap ng ibang daan. Karga pa rin ang aking mga anak ay tumakbo ako sa ibang bahagi nitong lugar.

“Diyos ko, tulungan mo po kami…” bulong kong pagtawag sa Kanya.

Sa mga oras na ito, ang magagawa ko lamang ay manalangin nang paulit-ulit. Hindi ko na makontrol ang takot na bumabalot sa pagkatao ko. Ang tanging nagawa ko lamang ay sumunod sa mga paa kong patuloy na tumatakbo.

May kahabaan pa ang aking tinakbo sa isang mahabang pasilyo. Ramdam ko na rin na kinakapos na ako sa hininga ngunit wala sa isip ko ang salitang ‘pagsuko’.

Kakaunti na lamang ang nakakasabayan ko sa pagtakbo kaya bahagya akong nakampante. Hindi ko na rin gaanong naririnig ang mga pagputok dahil mukhang nakalayo na kami sa lugar kung saan nagmumula iyon.

Nagpatuloy pa ako sa pagtakbo ngunit tila isang panibagong bangungot na naman ang nakaharap ko. Dito sa dulo ng pasilyo na tinakbuhan ko ay wala nang ibang madadaanan. Ang tanging nakikita ko lamang ay isang maliit na sulok na maaari naming pagtaguan.

Napahinto ako at sinubukang pakalmahin ang sarili ko. Gusto kong makapag-isip nang tama ngunit tila imposible pa sa mga oras na ito.

“P-papa… I’m scared…” iyak na naman sa akin ni Kryz.

Gusto ko nang maiyak dahil sa nakikita kong reaksyon ng aking mga anak. Hindi na rin makapagsalita si Marl dahil mas lumakas pa ang kanyang pag-iyak.

Muli kong nilingon ang aming pinanggalingan, ngunit lalo lang akong nakaramdam ng pangamba dahil nakikita kong wala nang tao roon kahit isa. Naisip kong kapag bumalik kami sa gawing iyon ay baka lalo lamang kaming mapahamak. Maaaring madali kaming makikita kung sakaling may kriminal man dito na gumagala.

“Dito tayo!” naisagot ko lamang kay Kryz at muli na naman akong tumakbo para tunguhin ang sulok na nakita ko.

Makipot lamang ang bahaging aming pinagsiksikan. Nakita kong may isang tangke ang naroon at sa taas nito ay may nakapaskil na ‘fire extinguisher’. Sa tabing bahagi naman nito ay may bilog na bakal at may nakalagay na ‘fire alarm’.

Hindi ako sigurado kung ligtas kami sa maliit na sulok na ito. Ang maliwanag lang sa akin, kailangan ko ng oras upang makapag-isip kung paano kami makakalabas sa hotel na ito.

Hingal na hingal ako. Hapong-hapo. Kahit malamig dito ay pawisan ang aking likod. Hindi pa rin nababawasan ang aking kaba nang magdesisyon akong ibaba muna ang aking mga anak. Ginawa ko iyon para subukang pakalmahin sila.

Tahimik dito sa aming kinalalagyan. Tanging mga pag-iyak lamang nina Kryz at Marl ang mapapakinggan.

Pinanghihinaan man dahil sa mga naganap, sinubukan kong ngumiti sa aking mga anak. Ito lang ang nakikita kong paraan para kahit paano ay mabawasan ang kanilang kaba.

Lumuhod ako sa kanilang mga tapat at hinawakan ang kanilang mga pisngi. Sa pamamagitan ng aking mga palad ay pinunasan ko ang kanilang mga luha nang paulit-ulit.

“Tahan na… Ligtas na tayo rito…” pagkumbinsi ko sa kanila na kahit ako ay hindi sigurado.

“P-papa… W-we want to go home na… Let’s just go home, please..?” pagsusumamo ni Kryz.

“P-papa… Papa…” tangi lang nasabi ni Marl sa pagitan ng kanyang paghikbi.

Hindi ko alam kung paano alisin ang takot nila, pero sa pamamagitan ng pagyakap ko sa kanila ay umaasa akong mababawasan iyon kahit bahagya.

“Tahan na… Nandito lang ang Papa… Hindi ko kayo iiwan, okay..? Magiging ayos din ang lahat…” pagkumbinsi ko sa kanila habang hinahaplos ang likod nila.

Hindi na sila sumagot matapos iyon. Nagpatuloy lang kami sa ganoong posisyon habang patuloy rin ang pagdarasal ko sa aking isip. Nananalangin na sana ay makaligtas kami sa kung anoman ang nangyayari ngayon.

Mukhang naging matagumpay naman ako sa pagkumbinsi sa kanila dahil ilang minuto pa ay bahagya nang humina ang mga pag-iyak nila.

“What’s going on ba, Papa..? Bakit po tumakbo ang mga tao kanina..? And then, here we are, hiding like we’re playing hide and seek…” tanong ni Kryz makalipas ang ilang sandali. Bumitiw na rin ito sa akin upang matingnan ako nang tuwid. Si Marl naman ay yakap pa rin ako at mukhang naging komportable na siya sa ganoong posisyon.

Hindi ko alam kung paano sasagutin si Kryz. Hindi ko puwedeng sabihin na mukhang nasa panganib kami dahil baka magbalik ang takot sa kanilang mga sarili.

Saglit akong napaisip hanggang sa maalala ko ang huling bahagi ng kanyang sinabi. Kasunod nito ay sinubukan kong ngumiti upang hindi siya makahalata sa gagawin kong pagsisinungaling.

“B-baka naman naglalaro lang talaga sila ng ‘tagu-taguan’ , anak? ’Di ba, sabi mo, may palaruan din dito? Kaso lang, nadamay tayo. Kaya heto, nagtatago na rin tayo.” pilit na pinapasigla kong boses na pagpapalusot kay Kryz.

Tila ba hindi nakumbinsi si Kryz dahil wala itong naging reaksyon. Sa mga oras na ito, gusto ko nang batukan ang aking sarili dahil nakalimutan kong matalino nga pala ang panganay kong ito.

Ilang sandali pa ay bumitiw sa akin si Marl kaya nakuha nito ang aming atensyon. Napansin kong tumigil na ito sa pag-iyak at suot na nito ang nagtatakang ekspresyon.

“Then, why do we have to cry like this, Ate, if we are just playing ‘Hide and Seek’?” tanong nito sa kanyang kapatid.

“It’s because I heard an explotion earlier! Didn’t you hear that, Marl?!” may inis naman na sagot ni Kryz sa kanya.

“Fireworks?” si Marl na naman.

“At this hour?! Seriously, Marl?!” si Kryz na naman na hindi na napigilang itaas ang isang kilay.

“Why not, Ate?!”

“That’s impossible!”

“But I’ve seen it on ––”

“Teka, teka, teka,” pag-awat kong mahinahon sa pagtatalo nila. “Mga anak, p’wede bang ’wag na kayong mag-away? Lalo kasing sumasakit ang ulo ni Papa, eh. Tapos, english pa kayo kung mag-away. Alam n’yo namang kaunti lang ang naiintindihan ko, ’di ba? Tama na, please?” may paglalambing ko nang pakiusap sa kanila.

Mukhang natauhan naman ang dalawa at rumehistro ang pag-intindi sa mga ito. Nagkatinginan sila at hindi na kumibo. Kung wala lang sigurong nagbabadyang panganib sa amin sa mga oras na ito, baka pinanggigilan ko na silang dalawa. Ang cute kasi ng mga anak ko.

“Sorry, Papa…” sabay nilang sambit na dalawa. Kasunod nito ay lumapit pa sila sa akin para humalik sa aking pisngi.

Hindi ko na napigilan ang matawa dahil sa pagkaaliw sa kanila. Naging mabisang daan din pala ang kanilang pagtatalo para mawala ang mga takot nila.

“O, sige, ganito na lang! Magtatago muna tayo rito, ha? Baka kasi nasa labas ang taya! Kailangan, hindi niya tayo makita! Kailangan, hindi tayo mag-ingay, ha? Dito lang tayo hangga’t marami pang tao sa labas. Naiintindihan n’yo ba si Papa?” muli kong pagsisinungaling sa kanila.

Kailangan ko silang makumbinsi upang hindi na magbalik ang kanilang takot. Aminado naman ako, hanggang ngayon ay puno pa rin ako ng pag-aalala. Hindi ko alam kung ano nga ba ang nangyayari sa lugar na ito. Alam kong may panganib, ngunit para sa mga anak ko, handa akong magbuwis ng buhay ko. Mawala na ang lahat, ’wag lang ang dalawang anak namin ng asawa ko.

Dahil sa naging magaan ang mga kaganapan sa pagitan naming tatlo, mukhang nakumbinsi ko na rin sa wakas si Kryz. Nakasabay na rin kasi ito sa malawak na ngiti ng kanyang kapatid.

“Ssshhh! Magtago lang tayo! ’Wag kayong maingay, ha?” muli kong pakiusap sa kanila habang nasa dulo ng aking nguso ang aking hintuturo.

“Yes, Papa!!” sagot sa akin ni Kryz.

“Sssshhh!!” saway naman ni Marl sa kanya.

Napabuntong-hininga na lamang ako. Kahit paano ay nabawasan ang aking kaba dahil nakumbinsi ko na sila. Pareho na silang nagkatinginan at nagtawanan sa oaraang mahina.

Nakisaya na rin ako sa kanilang kulitan, ngunit kasabay nito ay nag-iisip na rin ako ng paraan kung paano kami makakalabas nang ligtas dito.

Hindi ko na namalayan kung gaano na ba kami katagal na nagtatago sa sulok na ito, natigilan na lang kaming tatlo nang may marinig kaming mga pagyapak papalapit sa aming pwesto.

“Papa!” bulong na pagtawag sa akin ni Marl. “Nandiyan na ang taya! Hihi!” bumubungisngis pa nitong dugtong.

Napalunok ako dahil nagbalik ang matinding kaba sa dibdib ko. Ngunit sa kabila nito, sinikap kong ngumiti at tumango.

“O-oo, anak… N-nandiyan na ang taya… ’Wag kayong maingay, ha..? Tatayo ako at magtatago kayo sa likod ko… B-baka kasi makita niya kayo… Naiintindihan n’yo ba si Papa..?” nauutal kong utos sa kanila nang pabulong.

“Mmmm!” sabay naman nilang sagot at tinakpan ang kani-kanilang bibig.

Matapos iyon ay tumayo na ako sa aking pwesto. Nagsimula na naman manginig at manlamig ang aking katawan dahil sa takot. Ang hinihiling ko na lang sa mga oras na ito, sana ay hindi nila maramdaman iyon.

Maingat akong pumwesto upang makatayo nang tuwid. Siniguro kong kahit sa maliit kong katawan ay maitatago ko ang aking mga anak sa aking likod. Humarap ako sa bahagi na kung mararating ng taong iyon ang aming kinatatayuan, ako agad ang kanyang mabubungaran.

Naririnig ko pa ang mahinang pagtawa ng aking mga anak, ngunit ako, nagiging balisa na.

Pinakiramdaman kong mabuti ang mga magaganap. Patuloy kong naririnig ang palakas na palakas nang yapak ng taong sa tingin ko ay nag-iisa lang. Nangangahulugan din ito na ilang sandali pa lamang ay mararating na ng taong iyon ang pinagtataguan namin ng aking mga anak. Tila ba naglalakad din siya nang may pag-iingat. Mabagal iyon ngunit dahil sa katahimikan ay malinaw ko iyong napapakinggan.

Isa.

Dalawa.

Tatlo.

Marami pang lunok ang aking ginawa. Sinasabayan din nito ang mga hakbang ng taong sa tingin ko ay ilang metro na lamang ang layo mula rito.

Kung kanina ay pilit ko pang kinakalma ang aking sarili, ngayon ay hindi ko na iyon napigil. Mula sa aking likuran ay hinawakan ko na nang mahigpit sina Kryz at Marl. Mas lalo ko silang isiniksik upang iharang sa kanila ang aking katawan.

Habang naghihintay sa mga susunod na mangyayari ay taimtim na rin akong nananalangin — na sana, hindi masamang tao ang makakita sa amin dito. Sana, hindi isang panganib ang paparating na ito. Dahil kung isa itong hindi magandang senaryo, hindi ko na alam kung paano pa malulusutan ang mga anak ko.

Palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko. Hinihingal na rin ako dahil sa labis na takot. Pero sa kabila nito, buo na rin ang loob ko.

Kung ano man ang mangyayari, sisiguruhin kong mapoprotektahan ko ang mga anak ko.

Nagbilang pa ako ng ilang segundo hanggang sa makita ko ang pares ng sapatos ang bumulaga sa harap ko.

Hindi ko na alam kung paano nangyari.

Naging napakabilis ng mga kaganapan at hindi ko na magawang igalaw ngayon ang buo kong katawan.

Wala akong magawa.

Kahit ibuka ang aking bibig para magsalita ay nakalimutan ko na.

Tuluyan na akong nilamon ng takot…

…lalo na at nakadikit na sa aking noo ang malamig na dulo ng baril ng taong ngayon ay nasa harap ko.

Napapikit ako dahil para akong binabangungot. Sa buong buhay ko, sa telebisyon ko lang nakikita ang armas na ito. Hindi kailanman sumagi sa aking isip na makakita sa personal nito.

Nanalangin ako na sana ay isa lamang itong panaginip, ngunit nang maramdaman kong kumilos ang aking mga anak mula sa aking likod ay bigla rin akong nagising.

“Walang lalabas, Kryz, Marl! Magtago lang kayo!” may diin kong utos sa mga anak ko. Iyon na rin ang naging dahilan para imulat ko ang mga mata ko.

Madali naman nilang sinunod ang aking utos. Muli silang sumiksik sa aking likod.

“Nandiyan na po ang taya, Papa?” inosenteng tanong ng aking bunso.

Hindi agad ako nakapagsalita. Pakiramdam ko kasi ay may nagbara sa aking lalamunan.

Mula sa balat na sapatos ng taong tinututukan ako ng baril sa mga oras na ito, inangat ko ang aking paningin upang makita ang kabuuan nito.

Nakasuot ito ng pantalon na itim. May matipunong katawan na natatakpan ng plantsadong amerikana na kulay itim din. Ang nasa loob naman nito ay puting polo habang may kurbata ring itim.

Unti-unti ko pang inangat ang aking paningin hanggang sa matagpuan ko ang mukha ng isang lalaki.

Malinis ang pagkakaayos ng buhok niyang makintab at itim na itim. May manipis at mapula siyang labi. Matangos ang kanyang ilong at may makapal na kilay rin. Ang pinakahuli kong tiningnan ay ang kanyang mga paningin. Doon ko natagpuan ang kulay abo nitong mga mata na tila nag-aapoy habang nakatitig sa akin.

Sa tingin ko ay isa siyang banyaga. Wala iyon duda dahil hindi tipikal na Pilipino ang kanyang hitsura.

“M-marl… K-kryz… M-makinig kayo kay Papa, ha..? ’W-wag kayong aalis sa likod ko, okay..? Diyan lang kayo…” nanginginig ang labi kong pakiusap sa mga anak ko. Sinabi ko iyon dahil mas idiniin ng lalaki ang pagtutok ng kanyang baril sa aking noo.

Iyon lang ang kaya kong sabihin sa mga oras na ito habang nakikipaglaban ng titigan sa isang estranghero. Sa kabila ng butil-butil kong mga pawis ay ipinakita ko sa lalaking ito na hindi ako natatakot. Na handa kong protektahan ang aking mga anak kahit pa kalabitin niya ang gatilyo ng armas nito.

“Civilians, huh?”

Halos mapaatras ako dahil sa lalim ng boses ng lalaking kaharap ko. Nakumpirma ko rin na isa nga siyang banyaga kahit pa naging napakatipid ng kanyang salita.

“Waahh~ Papa! Is he the seeker?! I wanna see his face!”

“Me, too, Papa! Can we?!”

Tila nagagalak pa ang aking mga anak na wala pa rin kamalay-malay sa mga nangyayari. Wala pa rin silang ideya na nasa panganib na kami.

Naramdaman ko kung paano sana sinubukang umalis ng dalawa mula sa likod ko.

“Sinabi kong walang lalabas, ’di ba?! Hindi ba kayo marunong makinig kay Papa?!” mabilis ko na namang pagsaway sa aking mga anak.

Ito ang kauna-unahang beses na napagsabihan ko sila tulad nito. Nakokonsensiya man na sila ay aking nasigawan, wala akong mapagpipilian. Kailangan ko silang maprotektahan. Hindi nila dapat makita ang aming kinahinatnan.

Nasaksihan ko kung paano gumalaw ang mga mata ng lalaki para sipatin ang aking mga anak. Habang nakatutok pa rin sa aking noo ang baril nito ay salitan niya kaming tinitingnan ng mga anak ko.

Hindi ko alam kung saan ako humugot ng tapang, pero dahil na rin siguro sa pagnanais kong mailigtas ang aking mga anak, mabilis na nagliyab ang puso ko.

Inabante ko pa ang aking ulo dahilan para mas mapadiin pa ang pagdikit ng baril nito sa aking noo. Sinabayan ko rin ito ng pagngisi sa labi ko.

“You killing me?” tanong ko sa lalaki nang madiin at pabulong. “Me pers. Payt me. No touching my son and daughters.” dugtong ko pang paghamon.

Bahala na siya kung naintindihan niya ang aking sinabi. Ang gusto ko lang malaman niya ay hindi ako papayag na mahawakan niya ang aking mga anak. Kailangan niya muna akong patayin bago niya iyon maisakatuparan.

Inaasahan ko nang guguhit sa kanya ang pagtataka ngunit saglit lamang iyon. Ilang segundo pa siyang nakatitig lang sa akin nang may paghamon hanggang sa napangisi siya. Naging dahilan tuloy iyon para lumitaw ang mapuputi niyang mga ngipin.

“Palaban ka. Gusto kita.”

Iyon lang ang kanyang sinabi at ibinaba na rin ang baril na itinutok niya sa aking noo. Kasunod nito ay itinago niya iyon sa kanyang likod.

“Sa susunod, hindi kayo dapat magtago sa ganitong lugar. Hindi kayo magiging ligtas dito lalo na at may kasama kang mga bata. Paano kung sumabog ang hotel na ’to? Malamang, natusta na kayo?” mahaba pa nitong paalala na lubhang ikinagulat ko.

Marunong naman palang mag-Tagalog ang lalaking ito! Bakit pinahirapan pa ako?!

Hindi ako nakapagsalita o kahit ang igalaw man lang ang aking katawan. Masyado akong nasorpresa dahil sa panibagong mga tagpo.

“Hey, kids,” pagtawag nito sa aking mga anak na hanggang ngayon ay nagkukubli sa aking likod. “The game is over. You better get out of this place. And if it is possible, drag this man here who can’t even understand the basic language.” nakangisi pa nitong dugtong na pakikipag-usap sa mga anak ko.

Dahan-dahang lumabas ang mga anak ko hanggang sa magtagpo sila ng lalaking tila ba pinatatawanan ako sa mga oras na ito.

“Hey, you!” nakasimangot na pagkompronta ni Kryz sa lalaki. “You should’t say things like that to our Papa! I’m gonna tell this to our Dad! And I’m pretty sure, he will scold you! D’you understand?!” dugtong pa nitong tila nagbabanta at naghalukipkip pa.

“Mmm! Mmm! D’you understand?!” mayabang na reaksyon naman ni Marl habang nakanguso at tumatango. Ginaya niya rin ang kanyang Ate sa paghalukipkip nito.

Hindi ko na naintindihan ang kanilang mga pinagsasabi. Tanging panonood lamang sa kanila ang aking nagawa hanggang sa matawa ang lalaki.

“Yeah, yeah. I get it. Now, start moving and leave this place.” muli pang pakikipag-usap ng lalaki kina Kryz at Marl.

Matapos ang kanilang eksena ay kumilos ang aking mga anak para hawakan ang aking kamay.

“Uwi na tayo, Papa? Tawagan na lang po natin si Daddy.” pagyaya sa akin ni Kryz habang nakangiti.

Nang masabi niya iyon ay tila ba doon lang ako natauhan.

“Teka? Nasaan nga pala ang cellphone ko?” natataranta kong tanong kay Kryz. Naalala kong bago nangyari ang kaguluhan kanina ay siya ang may hawak nito.

“It’s in my bag, Papa. No worries.” sagot naman nito sa akin habang tinatapik ang bag na kanyang suot.

“A-aahhh…” naging reaksyon ko lamang habang tumatango.

Matapos iyon ay narinig ko na naman ang pagtawa ng lalaking kasama pa rin namin dito.

“Mabuti na lang at pinakita ng bata ang bag niya. Dahil kung hindi, malamang, mapapaisip ka na naman sa sinabi niya?” bulong nito na sapat lang para marinig ko.

Nangunot ang aking noo dahil sa sinabi nito.

“Iniinsulto mo ba ako?!” tanong kong nagdidikit ang ngipin sa kanya.

Nagkibit-balikat naman siya.

“Basically, yes. And you should’ve realized that earlier.” sagot nito at muling ngumisi.

Magandang lalaki sana ito, pero dahil sa kanyang ipinapakita, nagmumukha siyang may sungay sa paningin ko. Pero sa kabilang banda, hindi ko pa rin maiwasang purihin ang pisikal na katangian nito. Para siyang isang modelo. Ang mga tulad niya ay nakikita ko lamang sa mga pambalot ng ‘brief’ at siya ang umeendorso.

Hindi na ako muli pang nakipagtalo sa lalaki dahil hindi ko rin naman naintindihan ang huli niyang sinabi. Mukhang wala na rin siyang balak pang magsalita dahil tumalikod na rin ito sa aming pwesto.

“Sundan n’yo ako. Ituturo ko ang daan para makalabas na kayo rito.” utos nito sa amin ng mga bata. Kasunod nito ay kumilos na rin siya at sinimulang humakbang.

May pagdadalawang-isip man na sundin ang kanyang kautusan ay wala akong mapagpipilian. Sa mga oras na ito ay wala kaming ibang malalapitan. Gagawin ko ang lahat para sa mga anak ko, kaya kahit maliit na tiwala ay kusa ko nang ibinigay sa estranghero.

Hawak ang kamay ng aking mga anak ay sinundan namin ang mabilis na paglalakad ng lalaki. Nakalabas kami sa sulok na aming pinatataguan at ngayon ay binabaybay naman pabalik ang pasilyo na kanina lang ay tinakbo namin.

Tahimik pa rin ang lugar at wala na akong nakikitang mga tao.

Ilang sandali pa ay nakaramdam ako ng pag-aalala dahil tila ba ibinabalik kami nito sa lugar kung saan namin narinig ang malakas na pagsabog kanina. Sinubukan kong ibuka ang aking bibig para sana komprontahin ang lalaki ngunit hindi ko na iyon naituloy.

“We’re here. Dito kayo dadaan. Secret passage ’to para sa mga VIP clients ng casino. Diretsuhin n’yo lang ’yan at makakarating na kayo sa south wing parking lot nitong hotel. ’Pag nakalabas na kayo, saka n’yo tawagan ang dapat n’yong tawagan para makahingi ng saklolo.” mahaba at nakatalikod pa rin nitong pagsasalita nang marating namin ang tapat ng isang magarang dingding.

Magtatanong pa sana ako kung ano ba ang tinutukoy niyang dadaanan namin. Sa tingin ko kasi ay isang ordinaryong dingding lang naman ang nasa aming harapan. Pero tulad kanina, hindi ko na naman naituloy ang pagsasalita. Itinulak niya kasi ang dingding na iyon at naging patagilid ang pwesto nito na siyang naging dahilan para mamangha kami ng mga anak ko. Kasunod nito ay bumungad sa amin ang isang mahabang pasilyo na marahil ay ang daanang tinutukoy ng lalaki palabas sa hotel na ito. Maliwanag din ang loob nito dahil sa sunod-sunod na ilaw ang nasa kisame nito.

Wala nang pagdadalawang-isip pa, agad kong hinawakan nang mahigpit ang kamay ng mga bata. Kasunod nito ay humakbang kami para lampasan ang lalaki at pasukin ang tila sikretong labasan.

“Sandali.”

Natigilan kaming pare-pareho ng mga anak ko dahil sa naging pag-awat ng estranghero. Pumwesto pa siya sa aking tapat hanggang sa ilang pulgada na lamang ang layo namin nito.

“Take this.” wika nito habang may kinukuha sa loob na bulsa ng amerikanang suot nito. Naglabas siya ng tila isang matigas na papel at mabilis niya iyong inilagay sa bulsa ng suot kong polo.

“Ano ’to?” tanong ko sa kanyang nagtataka habang nakatingin ako sa aking bulsa.

Hindi agad sumagot ang lalaki kaya ibinalik ko ang aking atensyon sa kanya. Tiningala ko pa siya at ngayon lang naging malinaw sa akin na matangkad pala siya.

Natagpuan ko siyang nakangisi na naman tulad kanina. Matalim ang kanyang mga mata ngunit ramdam kong wala na akong dapat pang ipangamba.

Naghintay na lamang ako sa magiging kasagutan niya. Pinanood ko siya hanggang sa mas lumapit pa siya sa akin upang itapat ang kanyang bibig sa aking tainga.

“Sinabi ko na kanina, gusto kita,” bulong niya. “Kung sakaling kailanganin mo ng tulong ko, just give me a call. I don’t know why I’m doing this, pero malakas ang kutob kong kakailanganin mo ako,” dugtong pa nito at saglit na tumigil. “Isa pa, malakas ang pakiramdam kong hindi ka parte ng pamilya ng mga batang kasama mo ngayon.” pagpapatuloy niya at umatras na rin para makalayo.

Nanlaki ang aking mga mata at hindi ko naiwasan ang pangilabutan sa huling parte ng sinabi nito. Ngayon lang kami nagkita ngunit tila ba may alam siyang isang bagay na pilit kong iwinawaksi sa aking isip.

Hindi ako nakapagbigay ng reaksyon. Nakatitig lamang ako sa lalaki na nakangisi pa rin sa akin hanggang ngayon.

“Mag-iingat kayo. Aalis na rin ako.” pagpapaalam ng lalaki habang umaatras at nagbibigay daan sa amin ng mga anak ko.

Hindi ko na siya nagawa pang lingunin hanggang sa marinig ko na lamang ang kanyang mga paghakbang palayo. Masyado na akong napaisip sa sinabi ng lalaki kaya natulala na lamang ako.

“Thanks, Mister! We owe you one!” narinig kong masiglang sigaw ni Kryz na nasa tabi ko.

“Can we play next time?! I wanna see the other secret passage, please?!” si Marl naman na tila nakikiusap sa lalaking papalayo.

Parang kanina lang ay nagtatalo sila, pero heto sila ngayon, parang matagal nang magkakakilala.

“Cool! I’ll see you around, kids!” sigaw naman ng lalaki mula sa malayo. Kung hindi rin ako nagkakamali, nakangiti siyang nakikipag-usap sa mga anak ko.

Hindi ko alam kung gaano na ba ako katagal sa ganoong pwesto, tulala at walang kibo. Nagbalik lamang ang aking ulirat nang maramdaman ko ang mga marahang paghila sa aking kamay ng mga anak ko.

“Papa, let’s go na po?” masayang pagyaya sa akin ni Kryz.

“Let’s go, Papa! Secret passage, here we go! We’re going to Narnia, Ate!” si Marl naman na halos hilahin na kami ng kanyang kapatid.

Tumango na lamang ako sa kanila nang alanganin. Kasunod nito ay pinasok na namin ang daan sa likod ng dingding.

Habang binabaybay ang mahabang pasilyo upang kami ay makalabas, mas lalo pang naging masigla ang aking mga anak. Mukhang ligtas naman kami sa lugar na ito kahit pa tanging kulay krema lamang ang nakikita namin dito. Walang disenyo ang mga dingding at walang palamuti. Mukhang sinadya itong ipagawa upang maging sikretong daan sa loob ng hotel.

Iisang daan lang naman ang aming tinatahak kaya kahit ilang beses kaming lumiko ay hindi kami naligaw. Walang pasikot-sikot maliban na lamang nang marating namin ang dulo at sinalubong kami ng may kahabaang hagdanan.

Nang makababa kami sa hagdan ay isang pintuan naman ang aming nabungaran. Hindi ko na naman naiwasan ang magdasal sa pagkakataong ito na sana ay makalabas na talaga kaming tatlo.

“Marl, sandali!!” gulat na gulat kong pagtawag sa kanya dahil mabilis itong kumawala sa pagkakahawak ko. Kasunod nito ay tumakbo siyang nakangiti para buksan ang pintuang iyon.

“Yehey! Welcome to Narnia!” tuwang-tuwa na sigaw ni Marl nang makalabas sa pintuang iyon. Agad din siyang sinundan ni Kryz at sabay silang nagsaya habang nakataas ang mga kamay at tumatalon.

Doon lamang naalis ang lahat ng aking pangamba nang makita ko ang labas nitong hotel. Tama ang lalaki kanina, dadalhin kami ng sikretong daan patungo rito sa parking lot.

Parang ngayon ko naramdaman ang pagod. Ngayon ko naramdaman ang panghihina ng aking katawan dahil sa kaninang nakakakilabot na tagpo.

Napapikit ako at hindi kinalimutang magpasalamat sa Diyos. Ngayon ko lang napag-isip-isip na muntik nang malagay sa alanganin ang buhay namin ng mga anak ko.

“Papa! Tawagan mo na po si Daddy! Marami na po siyang missed calls, oh?!”

Doon ko lamang naimulat ang aking mga mata nang tawagin ako ni Kryz. Nasa tapat ko na sila ni Marl at inaabot na ang cellphone ko sa akin.

Nagbalik ako sa ulirat nang maalala ko si Oliver. Sigurado akong nag-aalala na siya sa amin at ’yon ang mas ikinababahala ko.

“H-hello, Dadd—”

“Weldy?! Oh, God! Nasaan na kayo?! Kamusta kayo?! Okay lang ba kayo?! Ang mga anak natin?! Nasaan sila?! Nasaan kayo?!”

Hindi ko na naituloy ang pagsasalita dahil narinig ko na ang sigaw gamit ang nanginginig na boses ng asawa ko. Kahit pa sa telepono kami nag-uusap, ramdam ko ang nangingababaw niyang takot sa mga oras na ito.

“N-nandito kami sa parking lot. P-parang nasa likod kami ng hotel, eh. Kasama ko naman sina Kryz at Marl. Ligtas naman kami, Daddy,” nauutal kong pagbabalita sa kanya habang iginagala ang aking paningin kung saan kami naroroon ng mga bata. “South wing yata ang tawag sa lugar na ’to?” pahabol ko pang pagkumpirma. Naalala ko ang sinabi ng lalaki kanina.

Habang kausap ko si Oliver sa kabilang linya ay nakakarinig ako ng sari-saring ingay. May mga umiiyak, sumisigaw, at nakakarinig din ako ng mga wangwang. Hindi lang ako sigurado kung ambulansya ang mga iyon o nagmula sa sasakyan ng mga pulis.

“’Wag na kayong umalis diyan! Pupunta na ako! Hangga’t maaari, magtago kayo!” halos sumisigaw na nitong utos sa akin.

“S-sige, Daddy…” sagot ko lamang dito. Agad din namang nagtapos ang tawag sa akin nito.

Sa tingin ko ay ligtas naman kami sa lugar na ito. Wala ritong katao-tao. At kahit pa malawak na parking lot ito, walang sasakyan kahit isa man dito.

Nagpatuloy sa paglalaro ang aming mga anak na wala pa rin kamalay-malay sa panganib na sinuong namin kanina lang. Isa rin iyon sa ipinagpasalamat ko sa Diyos dahil nanatili ang kanilang kainosentihan.

May ilang minuto pa kaming naririto hanggang sa makarinig kami ng sigaw mula sa malayo.

“Weldy!!”

Nang lingunin ko kung saan nagmumula ang boses na iyon ay natagpuan ko ang tumatakbong si Oliver. Palapit ito sa aming pwesto kaya agad din namin siyang sinalubong.

“Daddy!!” sabay na sigaw ng magkapatid at agad na niyakap ang nakaluhod na nilang ama.

“Oh, God… A-are you okay..? N-nasaktan ba kayo..?” hindi maiayos na pagtatanong ni Oliver sa kanila dahil sa biglaan nitong pag-iyak.

Parang lalo akong nanlambot dahil sa aking nasaksihan. Ngayon ko lang ulit nakitang ganito si Oliver. Mahina dahil sa labis na pag-aalala.

“Why are you crying, Daddy? We’re okay. Look!” sagot ni Marl sa kanya. “We played ‘Hide and Seek’ inside the hotel! After that, we passed through the secret passage! And lastly, we went to Narnia! We had so much fun, Daddy!” inosente pa rin nitong pagkukuwento sa kanyang ama.

Kahit pa puno ng luha ang mga mata ay sinubukang ngumiti ni Oliver sa kanya.

“R-really..?” paniniguro ni Oliver habang hinahaplos ang buhok ng aming bunso.

“Yes, Daddy! Right, Ate?!” mabilis naman nitong sagot at pagbaling sa kanyang kapatid.

“Right! Thanks to that Mister Prince inside!” pagsang-ayon naman ni Kryz kaya natawa rin silang magkapatid.

Huminga nang malalim si Oliver tanda na ito ay tuluyan nang napanatag. Hinalikan niya nang paulit-ulit ang kanyang mga anak at muli itong niyakap.

Matapos ang maiksing pag-uusap nilang iyon ay tumayo na si Oliver saka naman ako nilapitan. Kasunod nito ay mabilis niya akong hinalikan sa labi at mahigpit na niyakap.

“W-weldy… Oh, God… Akala ko, mawawala na kayo sa akin… Akala ko, iiwan mo na naman ako…” wika nito at hindi na naman napigilan ang humagulgol.

Dahil sa yakap ako ni Oliver ay ramdam ko ang mabilis na tibok ng puso nito. Nangangahulugan lamang iyon na nangingibabaw pa rin hanggang ngayon ang kanyang takot.

Simula pa kanina ay hindi na nawala sa akin ang pag-aalala, pero nang muli kong makita ang aking asawa ay mabilis ding naglaho ang lahat ng aking negatibong pakiramdam.

Sa wakas ay gumuhit ang ngiti sa aking labi. Ginantihan ko ang yakap ni Oliver at hinaplos ang kanyang likod sa pagbabaka sakaling mapapanatag na siya nang tuluyan.

“Walang nangyari sa amin, Daddy… Walang mangyayaring masama dahil gagawin ko ang lahat para sa mga anak natin… Saka ’wag ka nang mag-alala, nangako ako sa ’yo, ’di ba..? Hindi kita iiwan kahit anong mangyari..?” malambing kong pagsasalita habang nakangiti.

Mas lalong humigpit ang pagyakap sa akin ni Oliver. Paulit-ulit niya rin hinalikan ang aking pisngi tanda ng pananabik.

Ilang minuto rin kaming nagtagal sa lugar na iyon hanggang sa magdesisyon na rin kaming umalis. Sa ibang bahagi ng parking lot kami dumaan, dahil ayon kay Oliver, maraming pulis at nagkakagulong media ang nasa harap ngayon ng hotel. Kailangan daw naming makaiwas sa kanila dahil baka mabahala ang aming mga anak. Ang mga iyon na rin daw ang kanyang inabutan kanina kaya hindi na siya nakapasok pa sa loob.

Sakay ng aming kotse ay binaybay namin ang daan pauwi. Sa bandang likod kami ng mga bata sumakay dahil nakaramdam sila ng antok kahit pa tanghaling-tapat pa lamang. Pareho silang nakatulog sa aking kandungan, kaya naman naiwan si Oliver sa unahan na siyang nagmamaneho ng sasakyan. Marahil ay napagod ang aming mga anak kanina dahil sa inakala nilang laro. Mas mabuti na rin na gano’n ang kanilang isipin para hindi na muling bumalik ang kanilang takot.

Hindi maganda ang naging resulta ng selebrasyon sana ng aking kaarawan. Ang masaya sana naming pamamasyal ay nauwi sa isang trahedya na hindi ko inakalang mangyayari sa aking buhay.

Muli kong naalala ang lalaki kanina sa loob ng hotel. Tila ba nakakatatak na ngayon sa aking isip ang kanyang imahe. Ngunit ang sadyang hindi ko makalimutan ay ang huli niyang mga sinabi.

“Isa pa, malakas ang pakiramdam kong hindi ka parte ng pamilya ng mga batang kasama mo.”

Napailing na lamang ako nang muli kong marinig ang kanyang boses sa aking isip.

Sino ba ang lalaking iyon? Bakit ganoon ang kanyang sinabi? Mukhang hindi naman niya ako kilala dahil hindi niya nabanggit ang aking pangalan, pero bakit kailangan niyang mag-iwan sa akin ng palaisipan?

Nang sumagi sa aking isip ang isang bahagi ng aking mga katanungan, muli kong naalala ang papel na inabot niya kanina. Saglit kong binitiwan ang buhok ni Kryz na aking hinahaplos upang hanapin ang papel na iyon mula sa aking bulsa. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil natagpuan ko agad ito at hindi ko naman iyon nawala.

Isang matigas at kapirasong itim na papel ito. May nakasulat sa itaas na bahagi at ang nakalagay ay ‘The Empire Palace’ . Medyo nagtaka ako dahil iyon din ang pangalan ng hotel na aming pinanggalingan ng aking mga anak.

“Baka guwardiya siya ng hotel..? Kaya siguro alam niya ang pasikot-sikot sa loob…?” bulong ko pang tanong sa aking sarili.

Nang tingnan ko naman ang ibabang parte ng papel ay nakita kong may mga numero rito. Pero ang mas nakakaagaw ng pansin ay ang nakaukit na malaki at kulay pilak na ekis dito.

“Emperor…..

…. X ?“

Iyan lang ang nabasa ko habang nagtataka ang aking ekspresyon.

“Weldy? Ayos ka lang ba?” biglang pagtawag sa akin ni Oliver.

Agad kong inangat ang aking paningin upang makita ko ang kanyang mukha. Sa pamamagitan ng salaming nasa unahan ng aming sasakyan, napansin ko ang ekspresyon niyang may pag-aalala.

Muli kong isiniksik sa aking polo ang papel na nasa kamay ko. Kasunod nito ay ngumiti ako nang napakatamis sa asawa ko.

“Ayos lang ako, Daddy. Wala kang dapat ipag-alala.” sagot kong magiliw sa kanya.

Mukhang nakumbinsi ko naman siya dahil mabilis din siyang napangiti.

“I love you…” bulong niya habang nakatingin pa rin sa akin.

“I love you, too…” sagot ko namang puno ng lambing.


A/N

Hehe. Paki-correct na lang ako, guys, kung may mali kayong napansin dito. Tulong n’yo na lang sa Ate n’yong medyo mapurol. Wahahaha!

May ‘Untold Chapter’ po na susunod dito. I hope nagugustuhan n’yo pa rin ang mga nagiging tagpo. Salamat sa mga patuloy na nagbabasa, bumoboto, at lalo na sa mga masisipag na nagko-comment! Labyu, guys! Hugs!

Para po sa ’yo ito,

joenats

! Salamat sa support!

–– cold_deee ❤

07.20.2018

The Untold Chapter - X

WARNING: YOU MAY FIND SOME SCENES A ‘BIT DISTURBING’. READ AT YOUR OWN RISK!


THIRD PERSON POV

Sa kahabaan ng elegante at magarang hallway ng hotel ay tumatakbo ang isang matipunong lalaki. Alam niyang nasa kalagitnaan ng kaguluhan ang kanyang nasasakupang kompanya, ngunit kahit katiting na kaba ay wala siya.

Isang linggo siyang nawala. Isang linggo siyang nagtiis. Isang linggo siyang hindi nakakatulog nang mahimbing dahil sa pangungulila.

Ngayon ang araw na nakabalik siya sa kanyang kompanya. Ngayon ang araw na pinakahihintay niya. Napakasaya niya dahil sa wakas, makikita na ng kanyang mga mata ang taong nagbibigay dahilan para siya ay huminga.

Habang nasa kalagitnaan ng kanyang pagtakbo patungo sa lugar kung saan nagaganap ang isang kaguluhan, muli niyang naalala ang lalaking kanyang naka-engkwentro kanina. Hindi niya maiwasan ang matawa dahil sa personalidad ng lalaking iyon. Mukha naman daw may sinabi sa buhay, pero hindi tulad ng mga batang kasama nito, tila ba siya lang ang hindi nakakaintindi ng salitang Ingles.

“You killing me? Me pers. Payt me. No touching my son and daughters.”

Muli siyang natawa nang maalala ang mga salitang iyon ng lalaki. Hindi niya ito kilala, pero dahil sa likas siyang pilyo, sinamantala niyang paglaruan ang kainosentihan at kamangmangan nito.

Bago niya iwan ang lalaking iyon, nagbigay pa siya ng palaisipan dito. Sinabi niyang malakas ang pakiramdam niyang hindi siya parte ng pamilya ng dalawang batang kasama niya kanina.

Ginawa niya iyon para lamang paglaruan ang lalaki. Hindi naman niya ito personal na kilala kaya malakas ang kanyang loob na gawin ang bagay na iyon. Sinadya niya iyon para dagdagan ang pang-iinsulto sa lalaking mangmang.

“Stupid guy. Talaga namang hindi siya mukhang kamag-anak ng dalawang batang kasama niya. His kids can communicate well in English, while him, parang hindi man lang nakatapak ng elementary.” bulong pa na pakikipag-usap ng lalaki sa kanyang sarili.

Ngunit sa kabilang banda, kahit pa iniisip niyang isang bobo ang lalaking iyon ay hindi niya rin maiwasang humanga. Matapang ang lalaki. Malakas ang loob. Palaban — na kahit walang armas at nanganganib na ang buhay, handa pa rin iyong lumaban.

Hanggang ngayon ay nakatatak sa isip ng lalaki ang mga mata ng lalaking tinawag niyang ‘stupid guy’. Ang magaganda nitong mga paningin na tila isang anghel ay tunay namang nakabibighani. Pero nang magalit ang lalaking iyon, nakita niya rin na mabilis na nagliyab ang magagandang mata niyang iyon. Doon siya mas bumilib.

Hindi maiwasan ng lalaking hanggang ngayon ay tumatakbo na ikumpara ang naka-engkwentro niyang lalaking sa taong napakaespesyal sa kanya. Parehong-pareho sila ng personalidad. Matapang at palaban. Iyon kasi ang kanyang kahinaan. Kaya sa tingin niya, iyon din ang naging dahilan kaya hindi niya naiwasang magpakita rito ng interes.

Palapit na nang palapit ang lalaki sa lugar kung saan nagaganap ang kaguluhan. Saglit niya munang iwinaksi sa kanyang isip ang nakasagutan niyang lalaki kanina. Hindi naman mahalaga kung tutuusin ang lalaking iyon sa kanya. Nagbabaka sakali lang siyang mapabilang ito sa kanyang kompanya. Mayroon na kasing nagmamay-ari ng kanyang buong pagkatao. Kumbaga sa isang lupain, siya ang titulo at may tao nang humahawak sa kanya.

Matapos ang mahabang pagtakbo, isang pintuan ang kanyang binuksan. Sa loob ng pintuang iyon ay ang isang malaking parte ng hotel kung saan nagaganap ang pribadong pasugalan. Tanging mayayamang negosyante at politiko lamang ang maaaring makapasok dito. Bukod kasi sa may membership dito, kailangan din na may nag-uumapaw na kayamanan ang maaari lamang makapaglaro rito.

Pagpasok niya roon, nakakarinig na siya ng mga sigawan. Wala na ang kaninang mga putukan. Tanging mga malalakas na boses ng pagbabanta na lang ang kanyang napapakinggan.

Isang mahabang hallway pa ang kailangan niyang lakarin o takbuhin upang makarating sa gitna kung saan nagaganap ang komosyon. At sa dulo ng hallway na iyon ay nakikita na niya ang dalawang babaeng miyembro ng kanyang nasasakupan.

Dalawang babae na may balingkinitang mga pangangatawan at may tinatanging kagandahan. Elegante ang kanilang mga kasuotang long gown ngunit hubad na ang kanilang matataas na sapatos. Ang dalawang babae ay nasa magkabilang sulok at tila ba nag-aabang sa mga mangyayari. Nakasilip sila sa gawing gitna ng pribadong pasugalan habang may hawak na mga baril.

“Erin! Gayle!” pagtawag niya sa dalawang babae.

Agad naman siyang nilingon ng mga ito. Nang magtagpo ang kanilang mga mata, doon niya nakita ang pinaghalong galit at pag-aalala mula sa dalawa.

“Emperor!” pagtawag sa kanya ng babaeng tinawag niyang Erin.

“X! ’Wag ka munang lumabas!” mariin na utos naman sa kanya ng babaeng tinawag niyang Gayle.

Sinunod naman iyon ng lalaking nagngangalang X. Habang nakadikit sa kanyang likod ang dingding, dahan-dahan siyang lumapit sa pwesto ni Erin at naglakad siya nang patagilid. Ginawa niya iyon upang makapagkubli rin.

“Ano bang nangyari?!” tanong niya agad sa dalawang babae. Wala kasi siyang kaalam-alam. Nang makababa ang sinasakyan niyang eroplano mula sa airport, isang tawag lamang ang natanggap niya na mayroon ngang kaguluhang nangyayari sa kanyang kompanya.

“Natalo na naman sa sugal si Mr. Miguel Zapanta! Wala nang natira sa kanya kaya bigla siyang nag-amok! Dinala niya ang lahat ng tauhan niya rito para manggulo! Pinagbabantaan niya tayo! Gusto niyang ibalik natin sa kanya ang properties niya!” dire-diretsong salaysay ni Erin.

Naikuyom ni X ang kanyang mga kamao dahil sa inis. Kilala niya kasi ang kliyente nilang iyon. Dati iyong mayaman at magaling na negosyante. Pero dahil sa lulong ito sa sugal at droga, tuluyan nang nawala ang lahat sa kanya.

“As*hole!” nagdidikit ang mga ngipin niyang sambit para sa Miguel na iyon. “Nasaan sina Arnel at Norman?!” sunod naman nitong paghahanap sa dalawang lalaki niyang tauhan.

Si Gayle naman ang sumagot sa pagkakataong ito.

“Nasa magkabilang part nitong private room. I’m sure, inaasinta na nila ngayon si Miguel para mailigtas ang hostage. Hindi lang siguro makatiyempo dahil malikot si Miguel.” kalmadong sagot ngunit hindi maitatanggi ang takot dito.

Agad na nangunot ang noo ni X nang marinig iyon.

“Hostage?” paglilinaw ni X. Hindi pa rin kasi nito nakikita ang mga pangyayari sa loob ng kanilang pribadong pasugalan. Kaya heto siya, bahagya pang naguguluhan.

Huminga nang napakalalim si Gayle bago muling sumagot sa kanya.

“Yeah,” sagot nito at saglit na tumigil. Pinipilit niyang pakalmahin ang kanyang sarili. “Hostage niya ang isa sa mga escort natin. Siya rin ang escort na sinisisi niya sa lahat ng pagkatalo niya.” dugtong pa nito at iniwasan na ang mga mata ni X.

Mula sa inis na nararamdaman ni X, bigla siyang nakaramdam ng kaba.

“Sinong escort niya?! Sino ang hawak niyang hostage, Gayle?!” mariin nitong pagtatanong.

Hindi nakasagot si Gayle. Naikagat lamang nito ang kanyang ibabang labi dahil hindi niya kayang sagutin ang katanungan ng kanilang Emperor.

Dahil dito ay mabilis na nilingon ni X ang katabi niyang si Erin.

“Sino ang hostage ni Miguel, Erin?! Sagutin mo ako! Sino ang escort na tinutukoy ni Gayle?!” mas malakas na ngayong pagtatanong ni X.

Tulad ng naging reaksyon ni Gayle, natahimik din ito. Iniwas nito ang tingin kay X at napayuko. Ang sunod na lamang na nagawa ni Erin ay ang mapaluha na lamang nang sunod-sunod.

Dahil sa naging reaksyon ng dalawang babae na kanyang kasama ay tuluyan nang binalot ng takot si X. Gustuhin man niyang mag-usisa pa ay mukhang hindi na siya kaya pang sagutin ng mga babae.

“X, sandali! Mas delikado kung lalabas ka!” pag-awat na lang ni Gayle sa kanya. Inihakbang na kasi ni X ang kanyang mga paa upang makalabas mula sa pinagtataguan nila.

Matalim ang mga mata ni X na nilingon si Gayle.

“Ayaw n’yong sabihin sa akin kung sino ang hawak ni Miguel, ’di ba?! P’wes, ako mismo ang kukumpirma!” sagot nito sa dalaga.

Kilala na nina Erin at Gayle ang kanilang pinuno. Sa oras na nakapagdesisyon na ito, wala nang makakapigil pa rito. Alam din nilang sa oras na magalit ito, tatapusin nito ang buhay ng taong babangga rito.

Ilang segundo muna ang lumipas hanggang sa tumango na lamang nang dahan-dahan ang dalawang babae. Sumang-ayon na lamang sila sa kagustuhan ni X. Kasunod nito ay nagbalik na rin sila sa kanilang mga posisyon bilang paghahanda sa mga mangyayari.

Unti-unting lumabas si X mula sa kanilang pinagtataguan. Nakita niya ang kabuuan ng kanyang malaking pribadong pasugalan. Magtutuloy-tuloy pa sana siya sa paglalakad ngunit napahinto rin siya dahil sa nasaksihan.

Marami na ang basag na slot machines at mukhang hindi na mapapakinabangan ngayon. Ang ilan namang kagamitan ay tinutupok na rin ng apoy kabilang na ang tables na ginagamit sa paglalaro ng poker.

Sunod na sinuri ng kanyang tingin ay ang mga taong nakasuot ngayon ng mga uniporme bilang bodyguards. Ito ang mga tauhan ni Mr. Miguel Zapanta. Kasalukuyan silang nakikipagtutukan ng baril sa sarili naman niyang mga tauhan dito sa kompanya.

Nang maligaw ang mga mata ni X sa bandang gitna ng magulong lugar ay doon niya nakita ang dalawang tao na nakatayo. Ang isa ay may edad na lalaki at halatang nawawala sa kanyang sarili. Siya si Mr. Miguel Zapanta, ang taong nangugulo ngayon sa pasugalan at hotel niya. May hawak itong baril at kasalukuyang itinututok sa sentido ng lalaking gapos ng braso nito.

Tiningnan ni X ang lalaking bihag na pilit kumakawala mula sa mahigpit na paggapos sa leeg nito ni Miguel. At noong makumpirma niya kung sino ang bihag na iyon ay mabilis na nagliyab sa galit ang puso nito.

Ang bihag ngayon ni Miguel ay ang taong dahilan kung bakit nasasabik si X na makabalik dito sa Pilipinas. Siya ang lalaking isang linggo na niyang gustong makita at mayakap. Siya ang taong dahilan ng kanyang bawat pagngiti at paghinga.

Walang iba kundi ang kanyang pinakamamahal na asawa.

“Kyle.” pagtawag ni X sa kanyang lalaking asawa.

Mabilis na lumingon ang nababaliw nang si Miguel. Gapos pa rin ng kanyang braso si Kyle, sabay nilang hinarap ang kinatatayuan ni X.

“Miguel, bitiwan mo ang asawa ko! Bitiwan mo si Kyle! Gawin mo ’yan, ngayon na! Dahil kung hindi, pagsisisihan mo kung bakit nabuhay ka pa!” nagdidikit ang mga ngipin ni X na pagbabanta sa matanda.

Sa halip na pakinggan siya ni Miguel ay gumuhit pa ang pagngisi rito.

“Mabuti naman at nakabalik ka na, X? Ikaw lang kasi ang hinihintay ko, put*ngina mo! Ibalik n’yo muna ang lahat ng pera ko kapalit nitong asawa mo!” pagbabanta naman ni Miguel pabalik at mas hinigpitan pa ang pagsakal kay Kyle.

Hindi nakasagot si X. Tanging ang nag-aapoy lamang niyang mga mata ang nakapagsalita para sa kanya. Sinisimulan na niyang pag-isipan sa mga oras na ito ang kondisyong ibinibigay sa kanya ni Miguel. Mahal na mahal kasi niya ang kanyang asawa — na kahit ano pa ang maging kapalit, handa niyang ibigay rito — kahit pa ang sariling buhay nito.

Nasa ganoong pag-iisip si X nang marinig ang malakas na pagtawa ng asawa niyang si Kyle habang hawak pa rin siya ni Miguel. Naririnig ito sa buong lugar na naging dahilan para matigilan ang mga taong naroroon. Lahat sila ay nagtataka sa ikinilos nito. Nasa panganib na ang buhay ngunit nagawa pang matawa sa nagiging tagpo.

“X, relax!” sigaw ni Kyle sa kanyang asawa matapos niyang tumawa. “’Wag mong ibigay ang hinihingi ng gagng matandang ’to! Hindi ako nasisindak! Parang hindi mo naman ako kilala?! Kaya kong protektahan ang sarili ko! Ang iniisip ko lang, ang mga tauhan natin dito! Ayaw kong magbuwis sila ng buhay dahil lang sa kademonyohan ng putnginang tarantadong ’to!” dugtong pa nitong paglalahad at muling natawa sa ginawang pangungutya.

Dahil sa mga sinabing iyon ni Kyle ay mas tumindi pa ang galit ng kriminal na si Miguel. Mas hinigpitan niya ang pagsakal kay Kyle at mas idiniin sa sentido nito ang baril.

“Ulitin mo nga ang sinabi mo?!” sigaw ni Miguel kay Kyle.

“Ang sabi ko, tarantado kang putngina mo! Hindi ka lang gag! Bingi ka pang ulol ka!” tila hindi naman nasisindak na pag-uulit ni Kyle sa kanyang sinabi kay Miguel.

Dahil sa naging reaksyon ni Kyle, mabilis na nabura ang galit at kaba kay X. Ngayon lang niya naalala, palaban nga pala ang kanyang asawa. Walang kinatatakutan at handang makipagbasagan ng bungo kahit pa mas malaki ang katawan ng makakaaway nito. Iyon ang katangian ng kanyang asawa kung kaya naman nahulog ang loob niya rito.

Napangisi si X. Kasunod nito ay pilit niyang sinipat ang gilid na parte ng leeg ng kanyang asawang si Kyle. Iyon ang parte ng katawan ng kanyang asawa na gustong-gusto niya. Iyon ang paborito niyang halikan kay Kyle dahil doon nakatatak ang pangalan niya. Naroon ang pina-tattoo ni Kyle na malaking ‘X’ at sumisimbolo iyon kung gaano siya nito kamahal.

“Kyle,” pagtawag niya sa kanyang asawa na ngayon ay sinusubukan pa ring kumawala sa pagkapit ng matandang si Miguel.

Parehong natigilan sina Miguel at Kyle. Kasunod nito ay sabay rin nilang nilingon si X.

“Na-miss kita. Na-miss ko nang halikan ang leeg mo. Na-miss ko nang halikan ang buong katawan mo. Na-miss na kitang tabihan at hubaran.” malambing na paglalahad ni X sa kanyang asawa habang nakangisi at namumungay ang mga mata nito.

Narinig ng lahat iyon. Ang mga tauhan ni Miguel ay lubhang nagtaka. Hindi sila makapaniwala na sa kabila ng komosyon at kaguluhan ay nagawa pa iyong sabihin ni X sa asawa niyang si Kyle. Ngunit ang mga tauhan ng mag-asawa, hindi naman napigilan ang matawa, ang ilan nga sa kanila ay kinilig pa. Sanay na kasi sila sa bulgarang paglalandian ng kanilang mga boss. Hindi na sa kanila bago ang masaksihan kung paano ipakita ng dalawa ang pananabik sa bawat isa. Hindi rin naman kasi nahihiya ang mag-asawa na isigaw sa mundo ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

Napangiti si Kyle at hindi napigilang kagatin ang ibaba niyang labi. Naging mapungay rin ang kanyang mga mata na tiningnan ang asawa niyang si X.

“Talaga..? Na-miss mo na ba ’tong halikan?” tanong ni Kyle pabalik kay X habang ipinapakita ang kanyang leeg — ang parte kung saan nakaukit ang pangalan ng asawa niyang iyon. Sinikap niya pang tanggalin ang braso ni Miguel mula sa kanyang leeg para kahit paano ay masilip iyon ni X. “Kung talagang na-miss mo ’to, come here and get me, baby…” mapang-akit pang hamon ni Kyle sa kanyang asawa.

Mas lalong tumindi ang pananabik ni X kay Kyle. Isang linggo niyang hinintay na makapiling ang asawa niyang iyon. Isang linggo ang kanyang tiniis na hindi siya makasama dahil sa isang mahalagang business conference sa Europa.

Gusto na niyang makuha si Kyle, kaya sa pagkakataong ito, hindi na siya papayag na may makahadlang pa sa kanyang plano.

Dahan-dahang kumilos si X para hugutin ang baril niyang itinago sa kanyang likod. Kasunod nito, mula sa ilang metrong layo ay itinutok niya iyon sa ulo ni Miguel. Ang matandang iyon kasi ang siyang hadlang para mayakap na niya ang kanyang asawa.

“Miguel,” mahinahong pagtawag ni X sa kanilang kaaway. “Bitiwan mo na ang asawa ko. Bibilangan kita. Kapag umabot ako ng tatlo, asahan mong magkakalat dito ang utak mo.” sunod pa nitong pagbabanta sa matanda.

Sa halip na masindak si Miguel, nagawa pa nitong ngumisi kay X. Mas hinigpitan niya pa ring lalo ang paggapos sa leeg ni Kyle at idiniin muli ang pagtutok ng baril sa sentido nito.

“Tapos na bang maglandian ang mga bakla?!” tanong ni Miguel sa mag-asawa. “Put*ngina n’yo! Kaya siguro ako natatalo sa sugal dahil malas kayo! Mga salot kayo! Kayo ang dahilan kung bakit naubos ang pera ko! Ang dapat sa inyo, magsama-sama sa impiyerno!” sigaw pa nito.

Sa pagkakataong ito ay sabay nang natawa sina X at Kyle. Ang mga ganoong paratang kasi sa kanila ay parang isang malaking biro na lang. Sanay na sila roon. Higit sa lahat, wala na silang pakialam kung hindi sila matatanggap ng tao. Ang tanging mahalaga sa kanila ay mahal nila ang isa’t isa at walang makapipigil dito.

Natatawa pa rin si X nang sinimulan nitong magsalita.

“Kyle, oh, Kyle! Gusto na talaga kitang mayakap! Ang kaso, ayaw ka pa rin pakawalan ng gunggong! Paano ba ’to?! Kakalabitin ko na ba ang gatilyo nitong baril ko?! Pasasabugin ko na ba ang walang laman na ulo ng matandang ’yan na inunahan pa akong yumakap sa ’yo?! Nakakaselos kasi, e!” may pang-iinsultong tanong ni X.

Natatawa rin si Kyle na sinagot ang kanyang asawa.

“Chill lang, X! Na-miss din kita! I love you!” malambing nitong pakiusap sa kanyang asawa.

Ganoon silang dalawang mag-asawa. Tuwing may kumukutya sa kanilang pagsasama, mas lalo silang ginaganahang asarin ang taong bumabatikos sa kanila.

“Tumigil na kayo, put*ngina n’yo! Ibigay n’yo na lang ang gusto ko para matapos na ’to! Hindi na ako makatagal sa nakakadiri n’yong pag-uusap, mga hayop kayo!” pag-awat na ni Miguel sa dalawa.

Tila ba hindi na kaya pang kontrolin ni X ang kanyang sarili kaya naging seryoso na ang ekspresyon nito. Nagbalik ang galit sa kanya dahil sa pagmamatigas ni Miguel. Gusto na talaga niyang mabawi ang kanyang asawa kaya naman mas inayos nito ang pagtutok ng kanyang baril sa matanda.

“Bitiwan mo na si Kyle! Isa!” panimulang pagbibilang ni X kay Miguel habang nanlilisik ang kanyang mga mata.

Nakaramdam ng takot si Kyle ganoon din ang kanilang mga tauhan. Kilala na nilang lahat si X. Alam na nilang sa oras na makatapos ito sa pagbibilang, magaganap na ang matinding sagupaan.

Naging alerto na ang lahat. Pumosisyon na ang bawat tauhan para sa madugong senaryong magaganap.

“Dalawa!!” mas malakas nang sigaw ni X at inihahanda na ang pagkalabit sa gatilyo ng kanyang baril.

Agad na nakaramdam ng takot si Kyle. Hangga’t maaari ay ayaw niyang may masasaktan. Pero ang mas ikinakatakot niya sa mga oras na ito ay ang mapahamak ang kanyang asawa. Natatakot siyang may mangyari ritong masama.

“X… ’W-wag… P-pakiusap… ’Wag…” kinakabahan niyang pakiusap sa kanyang minamahal.

Sinubukan niyang ulit-ulitin ang pakiusap niyang iyon. Nagbabaka sakali siyang pakinggan siya ni X kahit pa alam niyang napakaimposible na iyon. Nakikita niya kasing desidido na si X na patayin ang taong may hawak sa kanya ngayon.

“Tatl––”

“’Wag!!!!”

Umalingawngaw ang boses na pag-awat na iyon ni Kyle.

Ang pangatlong bilang sana ni X bago nito kalabitin ang gatilyo ng baril ay hindi na nito naituloy. Mula kasi sa pwesto ni Kyle, nakita nito sa itaas at madilim na bahagi ng lugar ang isang sniper na inaasinta ang kanyang asawa. Kaya naman bago pa maituloy ni X ang pagbibilang ay kumilos na rin siya.

Kinagat niya sa napakadiin na paraan ang braso ni Miguel na nakakapit sa kanya. Naging matagumpay naman siya dahil nakabitiw sa kanya ang matanda. Kasunod nito ay mabilis niyang inagaw ang baril na hawak ni Miguel.

Naging napakabilis na ng mga pangyayari. Nang makuha ni Kyle mula kay Miguel ang baril ay agad nitong inasinta ang sniper na nasa itaas na bahagi ng lugar.

Bihasa sa paggamit ng baril si Kyle. Iyon ang isa sa mga hinahangaan ng kanyang asawa sa kanya. Kaya naman kahit sa malayo ay nagawa ni Kyle na mapatumba ang taong papatay sana sa kanyang asawa.

Doon na naganap ang senaryong pinaghandaan ng lahat. Nagkapalitan na ng sunod-sunod na putukan ng baril ang naganap. Wala nang pakialam ang bawat tauhan kung sila ay masasawi sa engkwentrong iyon. Ang mahalaga sa kanila ay maprotektahan ang kani-kanilang mga amo.

Alertong kumilos si X nang makitang may isang tauhan si Miguel na babaril din sana sa kanyang asawang si Kyle. Ngunit dahil eksperto rin siya sa paggamit ng armas, agad din niya iyong napatay. Ginamit niya ang kanyang unang balang para sana kay Miguel na kaaway nila.

Nagkagulo na ang lahat. May kanya-kanya na silang target. May mga buhay nang nasawi. At habang nasa madugong tagpo ang lahat, nawala na sa kanilang isipan ang isang taong hindi na nila nabigyan ng pansin dahil sa gulo.

Habang abala si Kyle sa pakikipagpalitan ng putok, nawala sa kanyang isip ang taong nasa kanyang likod at nakadapa ngayon sa semento ang pwesto.

Walang iba iyon kundi ang matanda at nawawala sa sariling si Miguel.

“Mga hayop kayo!!!” sigaw ni Miguel. Kasunod nito ay hinugot niya ang isa pang baril na nakatago sa kanyang likod.

Narinig ni Kyle ang pagsigaw na iyon ni Miguel. Doon niya lang naalala ang taong kanina lamang sa kanya ay nang-hostage. Mabilis niya itong nilingon at itinutok din doon ang hawak niyang niyang baril. Ngunit ang hindi inaasahan, naunahan siya nito.

Bago pa maiputok ni Kyle ang hawak niyang baril, natigilan na lamang siya nang hindi niya inaasahan. Tila ba naging estatwa na lamang siya ganoon din ang lahat sa kanyang kapaligiran.

Kasunod ng mga kaganapan kay Kyle, unti-unting nagbalik ang mga masasayang alaala sa kanya. Ang mga masasayang sandali ng kanyang buhay kasama ang kanyang asawa ay sunod-sunod na lamang na nagpakita sa isip niya.

Hindi na napapansin ni Kyle ang mga kaganapan sa paligid. Naibaba niya nang dahan-dahan ang kanyang hawak na baril. Kasunod nito ay napayuko siya para tingnan ang kanyang kanang dibdib.

At doon….

….. nakita niya ang umaagos na niyang dugo dahil sa balang tinanggap ng kanyang katawan mula sa baril ni Miguel.

“Kyle!!!!” malakas na sigaw ni X nang makita ang kinahinatnan ng kanyang asawa. Mabilis din na naipon ang kanyang mga luha sa mga mata.

Naglaho ang galit sa puso ni X. Napalitan na iyon ng matinding takot. Sa buong buhay niya, ito ang sandali na ayaw niyang mangyari — ang pakiramdam na iiwan siya ng iniibig.

Tila ba naging mabagal ang takbo ng oras para kay X. Sa kabila ng umuulang mga bala sa buong lugar, tumakbo siya para masalo ang katawan ng asawa. Hindi na niya pinansin pa si Miguel na siya naman ngayon ang inaasinta ng bala. Walang mahalaga kay X sa mga oras na ito kundi ang masalo ang pagbagsak ng katawan ng pinakamamahal niyang si Kyle sa semento.

Patuloy pa rin ang pagpapalitan ng putok sa paligid, ngunit dahil sa mas marami ang tauhan ni X at nakapasok na rin ang mga alagad ng batas na nag-aabang lamang mula sa labas ng hotel, unti-unti rin naubos ang mga alagad ng matandang si Miguel.

Ang pinakahuling tao na binawian ng buhay ay walang iba kundi ang demonyong si Miguel. Siya ang inasinta ng mga kanang-kamay nina Kyle at X — sina Gayle, Erin, Norman at Arnel. Pinaulanan nila ng bala sa katawan si Miguel habang dala-dala ang labis na galit sa kanilang dibdib. Lumuluha ang apat na tauhan habang ginagawa ang pagpatay kay Miguel. Hindi sila umiiyak dahil sa nakokonsensiya sila. Umiiyak sila dahil sa sama ng loob.

Kahit katiting na awa ay nabura na sa kanilang mga sarili. Galit sila. Matindi ang galit nila dahil sa sinapit ng amo nila. Kaya naman ang katawan ngayon ni Miguel ay halos magmistulang pinaglaruan at kinawawang karne. Literal na lumabas ang utak nito maging ang mga lamang-loob dahil sa mga balang ibinaon ng apat dito.

Natapos ang komosyon at kaguluhan. Ang kaninang putukan ay napalitan na ng nakabibinging iyakan sa kapaligiran. Ang ilan ay humihingi ng saklolo para mailigtas ang mga buhay, ngunit ang mga pinakamalakas na pag-iyak ay nagmumula sa mga taong nakapaligid kay Kyle.

Naroon si Kyle na nakahandusay ang kalahating katawan sa semento. Ang kalahati naman nitong katawan ay salo ng bisig ng asawa nito. Hawak siya ni X na ngayon ay nanginginig ang katawan habang nakaluhod dahil sa matinding takot. Bumubuhos ang mga luha habang nakatingin sa gwapong mukha ng naghihingalong asawa nito.

Hinahabol ni Kyle ang kanyang hininga. Sinusubukan niyang lumaban kahit pilit nang pumipikit ang kanyang mga mata.

“K-kyle… Ayos ka lang, ’di ba..? ’W-wag ka munang gumalaw… Please… Ibabalik natin ang dugo… S-sandali lang… ’Wag kang gumalaw…” tila ba nababaliw nang pakiusap ni X sa kanyang asawa. Sinubukan din niyang pigilan ang pag-agos ng dugo mula sa dibdib ni Kyle kung saan nakabaon ang bala. Ginagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagtakip dito ng kanyang palad.

Kahit pa nahihirapan ay sinikap ni Kyle ang makagalaw. Unti-unti ay inangat nito ang kanyang isang kamay at sa pisngi ng kanyang asawa ay doon inilagay.

Napangiti si Kyle nang maging matagumpay. Nasa pisngi na ng kanyang asawa ang isa niyang palad. Hinaplos niya iyon upang punasan ang mga nag-uunahang luha ng kanyang asawang si X.

Gusto niyang sabihin dito na na-miss niya si X, ngunit nang sinubukan niya itong gawin ay may bumulwak lamang na dugo mula sa kanyang bibig.

Nakita iyon ng dalawang mata ni X. Lalo siyang nakaramdam ng takot ngunit pinili niyang isiping ang lahat ay isa lamang masamang panaginip.

“M-matapang ka, ’di ba…? Masamang damo ka, ’di ba..? Sinabi mo sa akin ’yon… N-natatandaan mo ba..?” hindi maiayos na pagsasalita ni X at hinalikan ang parte ng leeg ni Kyle kung saan nakaukit ang pangalan niya rito. Paulit-ulit niya iyon ginawa sa paniniwalang mapapangiti si Kyle. Ngunit kahit ilang beses niya iyong gawin, lalo lamang niyang nakukumpirma ang bumabagal na ngayong paghinga ni Kyle.

Sa kanilang tabi ay lumuhod na rin si Erin. Hindi na nito napigilan ang humiyaw dahil sa pag-iyak. Hindi niya gustong makita ang matalik na kaibigan na nasa ganitong sitwasyon. Mahal na mahal niya ito na parang isa na niyang kapatid. Handa niyang protektahan ito sa abot ng kanyang makakaya.

“K-kyle… Lumaban ka, please..? Nangako ka pa sa akin, ’di ba..? Hahanapan mo pa ako ng jowa, ’di ba.?! Sige na naman..! Tumayo ka na diyan..! ’Wag naman ganito, parang awa mo na..!” panaghoy ni Erin na tila hindi naman naririnig ni Kyle. Hanggang ngayon kasi ay nakikipaglaban pa rin ang matalik niyang kaibigan sa sarili nitong buhay.

Hinawakan ni Erin ang mga tuhod ni Kyle. Kasunod nito ay inuga niya iyon sa pag-asang maririnig siya ng kaibigan.

“Bakla namn, eh..! Hindi ngayon ang oras para magbiro..! Tumayo ka na diyan..!” pakiusap na naman ni Erin habang umiiyak pa rin.

Doon na kumilos ang dalawang lalaki na sina Arnel at Norman na lumuluha na rin. Inawat nila si Erin dahil sa pagwawala nito. Sinusubukan nilang pakalmahin kahit pa alam nilang imposible sa mga oras na ito.

Si Gayle naman sa kanilang tabi ay nanatiling nakatayo. Sa likod ng personalidad niyang sa paligid ay walang pakialam, sa pagkakataong ito ay nangibabaw na rin ang emosyon niyang hindi mapigilan. Lumuluha na rin siya habang pinapanood ang kababata niyang si X — ang kababata niyang ngayon niya lang nakitang naging mahina dahil sa sinapit ng asawa nito.

Paputol-putol ang paghinga ni Kyle. At sa bawat paghahabol ng hangin sa katawan, doble na rin ang mga dugo sa kanyang bibig at dibdib ang lumalabas. Ngunit kahit ganoon, sinubukan niya pa rin ngumiti. Ibinigay niya ang pinakamaganda niyang ngiti sa lalaking labis niyang iniibig.

“X-xeb…. X-xebastian…. X…” nahihirapang pagtawag ni Kyle sa buong pangalan kanyang asawa.

Maraming gustong sabihin si Kyle sa kanyang asawa ngunit hindi na niya magawa. Sa loob ng isang linggo na sila ay nagkahiwalay, marami sana siyang inihandang kuwento para rito. Gusto sana niya itong mayakap at mahalikan. Gusto sana niyang paulit-ulit na sabihing na-miss niya ito. Ngunit sa mga oras na ito, iilang salita na lang ang kayang ilabas ng bibig nito.

“I love you…. I-i… love… you…”

Iyon lang ang nasabi ni Kyle habang nakatingin sa kanyang asawa. Iyon lang ang kanyang piniling huli at natitirang salita bago siya tuluyang maubusan ng hininga.

Kasunod ng mga salitang iyon ni Kyle, naglaho na rin ang ngiti niya. Tuluyan na rin niyang nabitiwan ang pisngi ng kanyang asawa. Kasunod nito ay naipikit na rin niya ang kanyang mga mata.

“Kyle!!!!! Dito ka lang!!! ’Wag mo akong iwan!!!! Kyle!!!”

Nadinig ang malakas na sigaw na iyon ni X sa buong lugar. Sigaw ng pakiusap at paghihinagpis para sa kanyang asawang wala na ngayong buhay habang ito ay mahigpit niyang yakap.


A/N

So, there. Kung bakit ko inilagay ang chapter na ito? Secret. Chos! Masasagot din ito. Tiwala lang. Hindi tayo maglalagay ng chapter na walang koneksyon sa ibang chapter. Hehe.

Season 1 lang ito. Meaning, may season 2. Dito ko rin ilalagay sa story o book na ito.

Para sa inyo ito,

Kira_Aimere

and

Gayylle

! Salamat sa pagpapahiram ng inyong mga pangalan! Labyu! 😘

Salamat sa mga patuloy na nagbabasa. Salamat sa tiwala. Cheers!

–– cold_deee ❤

07.24.2018

Chapter 21


FRANCE POV

Sa nagdaang mga araw, hindi ko na maiwasan ang mag-alala kay Oliver. Magmula nang maganap ang insidente sa hotel kung saan muntik nang malagay sa alanganin ang buhay namin ng aming mga anak, halos hindi na makatulog nang maayos ito.

Naging balisa at madalas ay malalim ang kanyang iniisip. Tuwing nasa trabaho nga siya, maya’t maya akong tinatawagan para lang kamustahin. Napansin ko rin na mas maaga na itong umuuwi kumpara sa mga nagdaang mga araw. Kung minsan, halos ayaw na rin niyang pumasok kung hindi lamang siya kailangan sa ospital.

“Daddy…” pagtawag kong may pag-aalala sa kanya. Heto na naman kasi siya at nakatulala. Hindi pa nagagalaw ang pagkain sa harap niya.

Naririto kami ngayon sa hapag-kainan kasama ang mga bata para maghapunan. Ang dating masaya at maingay naming salo-salo ay nabalot na ngayon ng katahimikan. Hindi na lang ako ang nakakapansin sa pagiging tahimik ni Oliver, maging ang aming mga anak ay madalas na rin akong tinatanong kung may problema ba ang kanilang Daddy.

Nasa kabisera ng mahabang mesa si Oliver habang nasa kanang bahagi naman niya ako. Sina Kryz at Marl naman ay nasa aking tapat at may pag-aalala rin na nakatingin sa ama ng mga ito.

“Daddy…” muli kong pagtawag kay Oliver dahil wala siyang naging sagot sa pagtawag ko kanina. Hinawakan ko na rin ang kanyang kamay para makuha lang ang atensiyon niya. “Lumalamig na ang pagkain mo. Hindi mo ba nagustuhan ang niluto ko?” sunod ko nang pagtatanong dito.

Tila ba doon lang siya natauhan. Hindi niya rin maikakaila na labis siyang nagulat sa pagtawag ko sa kanya.

“N-no… Of course not… S’yempre, nagustuhan ko ang luto mo. Lagi ka naman masarap magluto.” depensa naman nito.

Huminga ako nang malalim bilang pag-intindi. Alam ko, ramdam ko, hanggang ngayon ay natatakot pa rin si Oliver sa kinasangkutan naming trahedya ng mga anak niya. Madalas din kasi niya sa akin sabihin na kung may nangyari raw sigurong hindi maganda sa amin, baka raw nabaliw na siya.

Sinikap kong ngumiti nang may pang-unawa. Hinigpitan ko rin ang pagkakahawak sa kamay niya.

“Kumain ka na, Daddy… Tingnan mo ang mga anak natin, ayaw na rin kumain. Nag-aalala na rin sila sa ’yo.” pakiusap ko rito.

Dahan-dahan pa ang naging paglingon ni Oliver sa aming mga anak. Nang makumpirma niya ang aking sinabi ay tila ba nakaramdam siya ng hiya.

“Daddy, what’s bothering you po ba..? You could tell us… We’re family po, ’di ba..? You keep on telling us that we should share secrets… Remember..?” panimulang pakikipag-usap ng aming panganay na si Kryz sa kanya.

“Mmm-mmm!” tumatango naman na pagsang-ayon ni Marl at naghalukipkip pa. “Yes, Daddy! I can help you! If it’s about money, I can ask Tito Michael if you want to?!” dugtong pa nito.

Nakita kong sasagot na sana si Oliver ngunit inunahan ko na ito.

“Teka, teka, teka!” bigla kong pag-awat sa kanila. Kailangan ko na silang pigilan bago pa magtuloy-tuloy ang pag-uusap nila nang seryoso. “Tagalog lang, please? Tagalog. Isali n’yo ako.” seryoso ko nang dugtong.

Natigilan naman sila at napalingon silang lahat sa akin. Ngumiti si Oliver nang tipid, habang ang aming mga anak ay tila ba nakaramdam ng hiya sa akin.

“Sorry po, Papa…” sabay na sambit ng dalawa kong anak at napayuko.

Sa pagkakataong ito ay nagkatinginan na lamang kami ni Oliver at sabay na natawa. Ang cute kasi ng mga anak namin. Kung minsan talaga ay nakakalimutan nilang dapat ay iwasan nila ang mag-Ingles sa aking harap.

Kumilos si Oliver para haplusin ang ulo ni Marl, kasunod naman nito ay kinurot niya ang pisngi ni Kryz.

“I’m okay. ’Wag na kayong mag-worry, kids. Smile na kayo. Sayang ang cuteness n’yo kung nakasimangot kayo, oh? At kung may problema naman ang Daddy, hindi ba dapat, kami muna ng Papa n’yo ang mag-uusap?” pagpapaintindi nito sa kanyang mga anak.

Pinanood ko lamang silang tatlo sa napakagandang tagpo. Bihira kami magkasama-samang maghapunan dahil nga sa trabaho ni Oliver. Nitong mga huli na nga lang siya nakakasabay nang madalas dahil napapaaga ang kanyang uwi.

Inangat ng dalawang bata ang kanilang mga mukha. Sabay nila akong tiningnan at gumuhit ang kanilang ngiting napakaganda.

“Papa, ’pag nasabi na sa ’yo ni Daddy ang problema niya, sabihin mo rin po sa amin, ha?” pakikipagkasundo agad sa akin ni Kryz.

“Please, Papa, ha?! Secret lang po natin, promise! Ha?! Ha?!” segunda naman ni Marl sa kanyang Ate.

Hindi ko naiwasan ang matawa dahil sinasabi nila iyon sa paraang pabulong. Gusto nilang isikreto namin, pero sa harap ng kanilang Daddy sila nakikipagkasundo sa akin.

Maging si Oliver ay hindi naiwasan muli ang matawa dahil sa pagkaaliw sa aming mga anak.

“Enough na nga! Ituloy n’yo na ang pagkain. Baka magtampo na ang grasya pati ang Papa n’yo kung hindi pa natin kakainin ang niluto niya?!” natatawang pag-awat ni Oliver sa aming lahat.

Nagpatuloy na nga kami sa pagkain na magpamilya. Laking pasasalamat ko naman dahil nakikita kong sinusubukan nang maging normal ni Oliver sa harap ng mga bata.

Natapos ang aming hapunan hanggang sa asikasuhin ko naman ang mga bata para makapaglinis ng kanilang mga katawan. Nasundan ito ng panandalian kong pakikipaglaro at pagpapainom ng gatas sa kanila. Hindi ko sila iniwan sa kanilang kwarto hanggang sa sila ay tuluyan na ngang makapagpahinga.

Nang makapasok ako sa aming kwarto ni Oliver ay naabutan ko na naman siyang nakatulala. Nakahiga na siya sa kama habang ang kanyang isang braso ay nakapatong sa noo niya. Halata ang lalim ng kanyang iniisip dahil maging ang pagpasok ko ay hindi na niya namalayan.

Dahan-dahan akong humakbang patungo sa malambot na kama hanggang sa tabihan ko siya sa paghiga. Nakita ko na naman ang kanyang pagkabigla at doon lamang niya napansin ang aking presensya.

Inilagay ko ang aking isang kamay paikot sa kanyang bewang. Siya naman ay kumilos para ilatag ang kanyang braso na magsisilbing aking unan.

“Malalim na naman ang iniisip mo, Daddy. Tungkol na naman ba ’yan sa nangyari sa amin noong isang linggo sa hotel?” may pag-aalala kong tanong sa kanya.

Ilang segundo siyang natahimik at nag-isip habang nakatingin sa akin. Kasunod nito ay nagbalik siya sa pagtitig sa kisame at saka tumango bilang pagsagot sa aking tanong.

“Yeah…” sagot niya sa malungkot na tono. “Habang lumilipas kasi ang araw, lalo kong nararamdaman ang takot. Paano kung may nangyari nga sa inyo that time?” dugtong pa nitong pag-aalala.

Tama nga ako, hanggang ngayon ay binubulabog pa rin siya ng kaganapang iyon.

“Pero, Daddy, nakauwi naman kami, ’di ba? Kaya nga ’wag ka nang mag-alala. Isa pa, isang linggo na ang nakakalipas. Hindi rin naman naapektuhan ang mga anak natin dahil hanggang ngayon, wala naman silang kaalam-alam. Hanggang ngayon, iniisip pa rin nilang naglaro lang kami roon.” pagkumbinsi ko sa kanya.

Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari sa amin doon. Kung minsan ay nakakaramdam pa rin ako ng takot tuwing maaalala ko ang naging kaganapan sa hotel na iyon. Pero dahil sa ligtas naman kami ng mga bata, ipinagpasalamat ko na lamang sa Diyos iyon. Hindi rin naman makakatulong kung paiiralin ko ang takot. Ang mahalaga, ligtas at buhay kami ng mga anak ko.

Kumilos si Oliver para humiga nang patagilid. Ginawa niya iyon upang magkaharap kami.

Nasaksihan ko kung paano siya nagbitiw ng napakalalim na buntong-hininga bago nagawang makapagsalita.

“Weldy, hindi mo kasi naiintindihan… Muntik ka na namang mawala sa akin… Alam mo bang habang tumatagal na iniisip ko ’yon, mas natatakot ako..? Mas takot na takot ako ngayon kung ikukumpara noong unang beses na muntik ka nang mawala sa akin… Mamamatay ako sa kakaisip… Nangako akong poprotektahan kita sa pagkakataong ito, pero anong nangyari..? Muntik na namang may mangyaring hindi maganda sa ’yo…” mahaba niyang paglalahad na ikinatahimik ko.

Ngayon ay mas naiintindihan ko na. Binalot siya ng labis na pangamba at nakikita ko iyon ngayon sa kanyang mga mata. Nangingilid doon ang mumunting mga luha tanda ng nararamdaman niya.

Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o malulungkot sa nalaman ko. Ang sarap kasing isipin na ganito ako kahalaga sa kanya, na ganito ang takot niya na mawala ako sa kanya. Ibig lamang sabihin kasi nito, hindi kaduda-duda ang pagmamahal niya.

Pero sa kabilang banda, ayaw ko rin naman na ganito siya. Gusto kong magbalik ang sigla niya. Hindi siya puwedeng magpakulong na lang sa takot. Kailangan niyang kumbinsihin ang kanyang sarili na hindi na iyon muli pang mangyayari.

Ilang segundo akong nakatingin lamang sa kanya. Nag-isip kung paano ko mapapagaan ang pakiramdam niya, hanggang sa may pumasok sa akin na isang ideya…

Kumilos ako para makaalis sa aking pagkakahiga mula sa kanyang tabi. Kasunod nito ay malawak ang ngiti kong initulak siya nang bahagya upang magbalik ang kanyang pagkakahiga. Hindi pa iyon doon nagtapos, pumatong pa ako sa ibabaw niya at mabilis na hinalikan ang kanyang labi.

“Ang sarap naman pakinggan ng sinabi ng asawa ko!” wika ko at muli na naman siyang hinalikan sa labi.

Mukhang nagulat si Oliver sa biglaan kong pagdapa sa kanyang katawan. Masyado kasing seryoso ang aming pinag-uusapan, ngunit heto ako, pilit na pinapagaan ang mga kaganapan.

“W-weldy…” tangi niya lang nasabi at naramdaman kong inilagay niya ang kanyang mga kamay sa aking likod. Marahil ay para maalalayan ang katawan ko.

Ginawaran ko siya nang mas malawak na ngiti at muling nagsalita.

“Daddy…” malambing kong pagtawag sa kanya habang ilang pulgada lamang ang layo ng mukha namin sa isa’t isa. “Nangyari na ang lahat. Hindi na natin mababago ’yon. Ang mahalaga naman, ligtas kami ng mga bata. Kasama mo pa rin ako. Hindi naman ako nawala, ’di ba? Mas maganda sigurong isipin na lang natin na isang aral ’yon. Na dapat, hindi tayo naghihiwa-hiwalay. Na dapat, kung nasaan ang isa, naroon din ang lahat dahil iisang pamilya tayo.” mahaba kong pagpapaintindi sa kanya.

Hindi agad nakapagsalita si Oliver. Nakikita ko sa kanyang mga mata na naroon pa rin ang labis niyang pag-aalala. Pero buo na ang loob ko. Hindi ako matutulog ngayong gabi hangga’t hindi ko nakukumbinsi at napapangiti ito.

Napapikit saglit si Oliver kasabay ng malalim na naman niyang pagbuntong-hininga.

“Weldy, hindi lang naman ’yon ang iniisip ko kaya nawawala ako sa sarili nitong mga huli,” pagtatapat nito.

Nangunot ang aking noo dahil sa pagtataka. Iniisip ko na ngayon kung ano pa ba ang ibang dahilan para magkaganito siya.

Mukhang hindi na niya hinintay pang makapagtanong ako sa kanya. Hinawi niya muna ang buhok kong humaharang sa aking mga mata bago muling magsalita.

“May conference meeting kaming paparating na aabutin ng tatlong araw. Para ’yon sa aming mga doktor ng ospital n’yo. Ang nagwo-worry ako, hindi iyon dito gaganapin kundi sa Tagaytay pa. Tatlong araw, Weldy. Tatlong araw akong mawawala rito at tatlong araw ko kayong hindi makakasama. Tatlong araw rin kitang hindi makikita.” pagtatapat nito na na mas lalong nagpatindi ng ekspresyon niyang nag-aalala.

Natahimik ako dahil sa pagkabigla. Kaya naman pala halos hindi na siya makausap. Iyon pala ang bagay na ikinababahala niya.

Muli siyang napabuntong-hininga at nagpatuloy sa pagsasalita niya.

“Bukas na agad ang schedule para sa akin. Nakiusap naman ako sa Kuya Michael mo na kung puwede, sa susunod na batch na lang ako sasama. Ang kaso, ako ang magli-lead sa batch namin bukas. Ako ang representative para magsalita. Iyon ang problema ko, Weldy. Sino ang makakasama n’yo rito?” pag-aalala pa rin nito.

May ilang detalye akong hindi naintindihan, pero sinubukan kong makisabay sa aming pinag-uusapan.

“Kasama rin ba si Kuya Michael?” tanong ko sa kanya.

Umiling siya nang bahagya.

“Hindi. Bukod sa surgeon ang Kuya mo, director din siya ng ospital n’yo. Kakailanganin siya rito.” sagot nitong tila nanghihinayang.

Nang masabi iyon ni Oliver ay mabilis na pumasok sa aking isip ang magandang ideya.

“Kung gano’n, bakit hindi na lang si Kuya Michael ang pumunta rito? Kung talagang nag-aalala ka sa amin, puwede naman siguro natin siyang pakiusapan na dito muna tumuloy hangga’t wala ka, ’di ba? May sarili naman siyang kwarto rito at puwede siyang tumuloy rito kahit kailan niya gusto. Siguro naman, mababawasan na kahit paano ang alalahanin mo sa amin ng mga bata kung nandito siya, ’di ba?” suhestiyon ko sa kanya.

Nang mabanggit ko iyon ay natigilan si Oliver. Tila ba ngayon niya lang naisip ang bagay na iyon.

Makalipas ang ilang sandali ay gumuhit din sa kanya ang malapad na ngiti. Kasunod nito ay marahan niyang pinisil ang aking pisngi.

“Bakit hindi ko naisip ’yon? Puwede naman siyang mag-stay rito kahit tuwing gabi lang. Para lang may kasama kayong isa pang lalaki rito sa bahay.” wika nito habang natatawa.

“Sa totoo lang, kahit nga ’wag na, Daddy, eh. Nandito naman ako. Kaya ko nam––”

“No. Hindi ako papayag na walang titingin sa inyo. Hindi ako mapapakali sa pupuntahan ko kung kayo-kayo lang dito. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, pupunta si Michael dito. Naiintindihan mo?” mahaba niyang pagkontra sa sasabihin ko sana.

Wala na akong magagawa. Nakikita ko sa mga mata ni Oliver na hindi ko na mababago ang desisyon niyang iyon. Isa pa, mabuti na rin iyon. Mukhang nami-miss na rin kasi siya ng mga anak namin. Mas magiging maingay na naman itong aming bahay dahil makikipagkulitan na naman siya kina Kryz at Marl.

“Oo na po…” tuluyan ko nang pagsuko sa aking asawa habang nakangiti.

Tinugon naman niya ako ng pagtawa. Kasunod nito ay niyakap niya ako nang napakahigpit habang nakapatong pa rin ako sa katawan niya.

“Mmmm!! Mami-miss ko kayo ng tatlong araw! Mami-miss ko ang asawa kong ’to!” sambit nito at hinalikan nang paulit-ulit ang leeg ko.

Hindi ko naman naitago ang kiliti ko roon kaya tawa na lang ako nang tawa. Bagama’t nakakaramdam din ako ng lungkot dahil tatlong araw kaming hindi magkikita, kailangan ko iyon intindihin dahil parte iyon ng propesyon niya. Asawa ko siya kaya dapat lang na suportahan ko siya sa lahat ng bagay.

Ilang segundo rin naming pinagsaluhan ang masayang sandali naming dalawa. Isa ito sa mami-miss ko sa kanya na hindi ko mararanasan ng ilang araw at gabi. Ang lambingan naming dalawa magkasama man kami o hindi.

Nanatili kami sa ganoong posisyon. Nasa ibabaw niya pa rin ako dahil naging komportable na rin ako rito. Nakadikit sa aking tainga ang kanyang dibdib na matipuno at naririnig ko ang pagtibok ng puso nito.

“Daddy…” pagtawag ko sa kanya makalipas ang ilang sandali.

“Hhhmmm..?” tanong niya naman sa akin pabalik.

Napapikit muna ako kaya sandaling katahimikan muna ang bumalot sa amin.

“Mami-miss kita… Nasanay na yata akong nandito ka? Tatawag ka naman, ’di ba? Kakamustahin mo naman kami, ’di ba? Babalitaan mo naman ako kung ano ang ginagawa mo roon, ’di ba?” sunod-sunod kong paniniguro sa kanya.

Hindi ko alam kung ano ba ang nakakatawa sa aking sinabi, pero natawa si Oliver dahilan para tingalain ko siya habang may pagtataka sa akin.

“Weldy, hindi naman ako pupunta ng ibang bansa! Nasa Tagaytay lang ako! Baka nga hilingin ko kay Michael na puntahan n’yo ako roon, e! Ilang oras lang naman ang biyahe!” natatawa nitong pagpapaintindi sa akin.

Kung ganoon, hindi naman pala gaanong malayo iyon.

“Talaga ba?” paniniguro ko sa kanya habang nagliliwanag ang aking mga mata.

“Mmmm!” sagot naman nitong nakangiti.

Tuluyan na sana akong nabuhayan, ngunit naalala ko, nagsimula na pala ang pasukan nina Kryz at Marl. Nagbalik tuloy sa lungkot ang aking ekspresyon.

“May pasok na ang mga bata, Daddy… Baka nakakapagod ang magiging biyahe… Hihintayin na lang siguro namin na makabalik ka…” malungkot kong pagbabalita sa kanya.

Napaisip naman si Oliver sa aking sinabi.

“Yeah… Mukhang imposible nga na makapunta kayo roon.” pagsang-ayon nito sa aking sinabi.

Dahil doon ay muli na naman kaming binalot ng katahimikan. Pinagmasdan ko lang si Oliver na nakatingin sa kisame at tila malalim ang iniisip. May ilang sandali rin iyon hanggang sa muli siyang yumuko nang bahagya para magkatinginan kami.

“Ano kaya, Weldy, kung mamasyal tayo ng mga anak natin pagbalik ko? At least, makakabawi tayo sa mga araw na wala ako. Ano sa tingin mo?” tanong niyang nakangiti sa akin.

“Saan naman tayo pupunta?” pag-uusisa ko agad sa kanya.

Ang inaasahan ko ay sasagot agad si Oliver, pero hindi niya agad iyon ginawa. Naramdaman ko na lamang na hinawakan niya ang aking bewang at iginayang makaangat. Dahil doon ay nagpantay ang aming mga mukha. Kasunod nito ay ilang segundo niya muna akong tinitigan. Sinasabayan niya rin iyon ng marahang paghalos sa aking pisngi gamit ang isa niyang palad.

“Gusto kitang dalhin sa lugar kung saan tayo nagsimula… Sa lugar kung saan mo ako sinagot noong nanligaw ako sa ’yo… Sa lugar kung saan naging official tayong dalawa… Baka kasi sakaling kapag dinala kita roon, maalala mo na ang lahat tungkol sa ating dalawa…” mahaba nitong pagtatapat sa akin sa malambing niyang boses.

Dapat ay matuwa ako sa aking narinig, pero hindi ko iyon magawa dahil bigla akong nakaramdam ng pagkabahala. Iniisip ko na rin kung magiging epektibo ba ang plano niya. Ayaw ko siyang malungkot o madismaya. Ayaw ko nang makita ang malungkot na ekspresyon niya.

“P-paano kung… Paano kung wala akong maalala, Daddy..?” tuluyan ko nang pagtatanong dahil sa pag-aalala.

Ang inaasahan ko ay rerehistro ang takot o lungkot sa kanya, pero nasorpresa ako nang mas lumawak pa ang ngiti niya.

Hinalikan ni Oliver ang dulo ng aking ilong saka muling nagsalita.

“To be honest, Weldy, nakakapanghinayang kung hindi mo na talaga maaalala ang nakaraan nating dalawa. Nakakalungkot. Pero habang tumatagal, unti-unti ko na rin natatanggap ’yon. Kagaya nga ng napag-usapan natin, puwede naman tayong gumawa ng panibagong mga alaala, ’di ba? Mangolekta ulit tayo hanggang sa iyon na ang magiging laman ng isip at puso mo. Ang mahalaga, ikaw at ako pa rin ang magkasama hanggang sa tumanda tayo.” mahaba nitong sagot sa katanungan ko sa kanya.

Bakit ba tuwing nakakaramdam ako ng lungkot, madali akong napapasaya ni Oliver? Sa tuwing nakikita ko ang nakangiti niyang ekspresyon, madali niyang napapagaan ang aking loob. Para bang kahit ano pang maging problema ko, basta’t nariyan lang siya, sapat na. Hindi ko na kailangan pang mangamba. Gano’n sa akin ang epekto niya.

“Inlab na inlab na talaga ako sa ’yo, Daddy! Ang swerte-swerte ko talaga dahil ikaw ang asawa ko!” masigla ko nang pakikipag-usap sa kanya sa pagkakataong ito. Tuluyan na nga talaga niyang napawi ang lungkot ko.

Natawa naman si Oliver at ramdam kong naaliw ito sa sinabi ko. Pakiramdam ko nga ay napakilig ko ito.

Mabilis na hinawakan ni Oliver ang magkabilang pisngi ko. Kasunod nito ay paulit-ulit niyang hinalikan ang labi ko.

“Ako rin naman! In love na in love sa asawa ko! Mas maswerte ako dahil ikaw ang napangasawa ko! Mabait na, ubod pa ng ganda!” papuri niya naman pabalik sa pagitan ng kanyang paghalik.

Napanguso naman ako sa huling parte ng sinabi niyang iyon.

“Lalaki kaya ako! Paano ako naging maganda?” pakikipagtalo ko sa kanya.

“Hhhmmm…” tila nag-isip siya. “Magandang lalaki? Puwede na ba?” pagbawi naman niya.

Hindi ko naiwasan ang matawa dahil sa naging reaksyon niya. Maging siya ay sinabayan na rin ang aking pagtawa. Napakasaya pa rin namin sa kabila ng katotohanang bukas ay ang simula ng araw na hindi kami magkikita.

May ilang minuto pa naming pinagsaluhan ang aming katuwaan. Ilang sandali pa ay pareho na lamang kaming nakatitig sa isa’t isa.

Pinagmasdan kong mabuti ang aking asawa. Nagniningning ngayon ang kanyang mga mata dahil sa mumunting liwanag na nagmumula sa ilaw na malapit sa aming kama.

“Mami-miss ko talaga ang asawa kong ito.” malambing na sambit ni Oliver habang hinahaplos ng pareho niyang palad ang magkabilang pisngi ko.

Napangiti ako dahil sa pakiramdam na tila may mga paruparo sa sikmura ko ang naglalaro. Naririto na naman ang pakiramdam na tila naiihi ako. Kinikilig pa rin ako kahit sa mga simpleng paglalambing lang nito.

“I love you, Daddy…” nasabi ko na lang sa malambing na tono habang dinadama ang nag-iinit na pisngi ko.

“I love you, too…” sagot niya ring malambing.

Sapat na ang pagpapalitan namin ng mga salitang iyon upang pagtagpuin ang aming mga labi habang kami ay nakapikit. Pinagsakop namin ang aming mga labi tulad ng aming nakasanayan bago magtapos ang aming gabi.

Nang maghiwalay ang mga labi naming iyon ay hindi pa rin ako umalis mula sa kanyang ibabaw. Ang akala ko ay hanggang doon na lang, ngunit habang nakikita ko ang mga labi ni Oliver ay tila ba muli ako nitong iniimbitahan.

Muli kong inangat ang aking paningin sa kanyang mga mata. Natagpuan ko ang mga paningin niyang iyon na kumikislap at tila ba may idinidikta.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko, pero natagpuan ko na lamang ang aking sarili na hinahalikan muli si Oliver sa mapusok nang paraan sa pagkakataong ito.

Sa bawat pagkakataon na ginagawa namin ito, mas lalo kong nararamdaman ang pagmamahal sa akin ng asawa ko. Sa bawat segundo na dinadama ko ang mainit na labi ni Oliver, ramdam ko ang pag-aalagang nakapaloob dito.

Ramdam ko ang pagkabigla kay Oliver, ngunit makalipas lang din ang ilang segundo ay sinusuklian na rin niya ito. Sinasabayan na rin niya ang kanyang paghalik sa pamamagitan ng paghaplos sa katawan ko.

Sa una ay marahan, ngunit sa bawat segundong lilipas ay nagiging maalab ang aming paghahalikan. At kung noon ay si Oliver ang siyang gumagabay sa akin sa bagay na ito, ngayon ay ako na ang kusang gumagawa ng paraan para maglaro ang mga dila namin nito.

Madiin at paminsan-minsan ay kinakagat ko ang kanyang malalambot na labi. Pinapakiramdaman lamang namin ang lahat ng kaganapan dahil nanatili ang aming mga mata na nakapikit.

Kinakapos na ako ng hininga at alam kong ganoon din siya. Iba na ang pakiramdam ko. Mayroon na naman sa aking loob ang nagsisimulang mag-apoy.

Bago pa kami tuluyang malunod dahil sa kinakapos na kami ng hangin sa katawan, saglit ako sa kanyang humiwalay. Pareho kaming hinihingal habang magkadikit ang aming mga noo, ngunit tila balewala sa amin ito dahil pareho kaming napangiti sa naging tagpo.

“Daddy…” halos pabulong ko nang pagtawag sa kanya.

“Hhhhmmm..?” namamaos naman niyang boses na tanong habang nakatingin nang tuwid sa aking mga mata. Patuloy pa rin niyang hinahaplos ang aking katawan.

May isang bagay akong gustong mangyari, ngunit sa halip na sabihin iyon sa kanya nang direkta, pinili kong ipakita at iparamdam na lang iyon sa kanya.

Kumilos ako para bahagyang bumaba ng pwesto. Naging dahilan tuloy iyon para magkahiwalay ang magkadikit naming mga noo. Nakita kong bahagya siyang naguluhan, ngunit nang tuluyan ko nang marating ang aking pakay, nasaksihan ko na lamang ang kanyang pagpikit at pagtingala. Napaliyad pa siya dahil mas idiniin ko ang aking katawan sa kanya.

Naging matagumpay ako nang makita ko ang reaksyon ni Oliver — ang reaksyon niyang tila ba nawawala sa sarili dahil sa ginagawa kong pagkiskis ng aming mga pag-aari.

“Kailangan ko pa bang sabihin sa asawa ko kung ano ang gusto kong mangyari..?” tanong ko sa kanyang mapang-akit habang patuloy ako sa aking ginagawa. Pinapakiramdaman ko rin nang maiigi ang pagkalalaki niyang ngayon ay tila ba nagagalit na.

Mukhang naaliw si Oliver sa mga binitiwan kong salita. Natawa ito at yumuko nang bahagya upang magtagpo ang aming mga mata.

“Nahihilig na yata ang asawa ko, ah?” tanong niyang natatawa at pinisil pa nang bahagya ang aking ilong.

Hindi naman ako natinag sa sinabi niyang iyon. Mas pinag-igihan ko pa ang pagromansa sa kanya.

“Ayaw mo ba nito, Daddy..? Tatlong araw tayong hindi magkikita… Tatlong gabi tayong hindi magtatabi sa kama… Gawin na natin ’to para may remember ka…” pang-e-engganyo ko pa sa kanya.

Sa pagkakataong ito ay ang pisngi ko naman ang pinisil niya.

“Remembrance ’yon…” nakangiting pagtatama niya sa aking sinabi.

Napahiya man ako ay binalewala ko na lamang iyon. Inisip ko na lang na panibagong kaalaman iyon.

“Mmmm…” tugon ko lamang na tumatango. “Ano na, Daddy..? Tuturuan mo na lang ba ako sa mga maling nasasabi ko, o gusto mong ituloy natin ’to..?” sunod ko pang tanong at ipinasok ko na ang aking kamay sa loob ng kanyang sando upang haplusin ang dibdib nito.

Naikagat muna ni Oliver ang kanyang ibabang labi. Kasunod nito ay kumilos siya para ang aming pwesto ay magpalit.

“Siyempre, doon ako sa pangalawang option!”

Iyon lang ang sinabi niya, kasunod nito ay inabala na rin niya ang kanyang sarili sa muling paghalik sa akin habang nilalaro ng kanyang kamay ang aking dibdib. Siya na rin ngayon ang nasa aking ibabaw habang ako ay nakahiga sa kama.

Tuluyan na nga kaming nakalimot sa aming mga sarili. Ang tangi ko na lamang naaalala ay pinaghiwalay ko ang aking mga hita bilang pag-imbita sa kanya ngayong gabi para sa maalab naming pagniniig.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

.

“Nandiyan na ba ang lahat ng gamit mo, Daddy?” tanong ko kay Oliver habang naririto kami sa aming garahe. Nasa tabi na rin kami ng kanyang sasakyan dahil naghahanda na siya sa kanyang pag-alis.

“Yeah. I think so? Kaunting damit lang naman ang kailangan ko since three days lang kaming magtatagal doon. Nasa akin na rin ang mga documents na kailangan ko para sa conference.” sagot naman nito sa akin.

Ngayon na nga ang araw para sa kanyang pagtatrabaho sa ibang lugar. Maaga kaming nagising kanina sa kabila ng pagpupuyat namin kagabi na dalawa. Kinailangan pa kasi naming ihanda ang kanyang mga gamit na dadalhin dahil hindi na niya ito naasikaso nitong mga nagdaang araw. Kung hindi ko pa kasi siya nakumbinsi kagabi na ituloy ang kanyang pagtatrabaho sa Tagaytay, wala rin siyang balak na asikasuhin ang kanyang mga kailangan.

Kanina naman ay nagkaroon siya ng pagkakataon na makapagpaalam sa aming mga anak. Bago pa kasi sila ihatid nina Ate Aning at Ate Loca sa eskwelahan, nagsalo-salo pa kami sa pag-a-almusal.

Nasorpresa pa ako kanina dahil madali siyang naintindihan ng mga bata. Noong tinanong ko naman sila, nasanay na rin daw sila dahil paminsan-minsan na raw na nangyayari iyon. Kahit daw noong hindi pa ako nakakalimot ay may ganoon nang senaryo. Kaya sa huli, ako na lang ang naiwang tila ba nangungulila kay Oliver sa mga oras na ito.

Napangiti ako habang pinagmamasdan ngayon si Oliver. Kahit puyat ang asawa kong ito, gwapo pa rin. Siya pa rin ang pinakagwapo sa mga mata ko.

“Mag-iingat ka roon, Daddy, ha? ’Wag mo muna kaming isipin ng mga bata. Tumawag ka sa amin ’pag may oras ka. Kumain kang mabuti roon. ’Wag mong pababayaan ang sarili mo.” sunod-sunod kong paalala sa kanya.

Natawa naman siya sa mga sinabi ko. Hindi niya naiwasan ang halikan ang aking labi dahil sa pagkaaliw nito.

“Opo. Susundin ko ang lahat ng sinabi mo. Mahirap na, baka masermonan mo na naman ako?” pagbibiro nito.

Hindi ko magawang makipagsabayan sa kanyang pagtawa dahil nalulungkot ako. Ito yata ang unang pagkakataon na hindi kami magkikita ng tatlong araw. Kaya heto, hindi ko maiwasan ang manibago.

Marahil ay nakikita ni Oliver sa aking reaksyon ang labis na pangungulila. Huminga kasi ito nang malalim saka ako dahan-dahang niyakap.

“’Wag ka nang malungkot. Tatlong araw lang tayong hindi magkikita. Pagbalik ko, pangako, babawi ako sa ’yo. Ibibigay ko ang buong isang linggo sa inyo.” malambing nitong pagsasalita habang hinahaplos ang aking likod.

Siguro nga ay kailangan ko nang masanay sa ganito. Dahil sa kanyang propesyon ay maaaring maulit pa ang ganitong senaryo. Bilang kabiyak niya, dapat ay unawain ko ito. Kailangan ay suportado ko siya anoman ang pangangailangan nito. Iyon naman ang papel ng isang asawang tulad ko.

Pinilit kong ngumiti sa kabila ng lungkot na nararamdaman ko. Niyakap ko rin si Oliver nang napakahigpit tanda ng pang-unawa ko rito.

“Maghihintay ako sa pagbabalik mo, Daddy… Maghihintay kami ng mga bata…” naging sagot ko na lamang sa kanya.

Sinamantala na namin ni Oliver ang pagkakataon. May ilang minuto rin kaming magkayakap at walang pagod na nagpapalitan ng bilin sa isa’t isa.

Nang kami ay maghiwalay ay isang halik muna ang kanyang iginawad sa akin bago nito buksan ang kotse niya.

“Mayamaya, nandito na rin ang Kuya Michael mo. Dadaan muna raw siya rito bago siya pumasok sa trabaho. Habaan mo na lang din ang pasensiya mo sa kakulitan no’n. Na-miss ka lang niya kaya gano’n.” muling pagbibilin nito.

Natawa na lamang ako sa sinabi niyang iyon. Nasanay na rin naman ako kay Kuya Michael. Madalas kasi itong nagpapadala sa akin ng text na puro kalokohan lang naman ang nilalaman. Pero kahit ganoon, mas madalas naman niya akong kamustahin at paulit-ulit na pinapaalalahanang ingatan ang kalusugan. Kung minsan nga ay nagpapadala pa ito sa akin ng mga gamot pambitamina. Nag-aalala raw kasi siya na baka sumusobra na ako sa pagtatrabaho rito na sinasabayan ko pa ng pag-aalaga sa mga anak ko.

“Sige na, Daddy. Baka matrapik ka pa sa daan. Mag-iingat ka, ha? Tumawag ka agad ’pag nakarating ka na roon, ha? Hihintayin ko ang tawag mo.” huling bahagi ng bilin ko.

Hindi agad na sumagot si Oliver. Kumilos muna ito para hawakan ang magkabila kong pisngi, kasunod nito ay muli ako nitong hinalikan sa labi.

“Kayo rin, mag-iingat kayo rito. I love you.” malambing nitong pagpapaalam.

“I love you, too, Daddy.” sagot ko rin at hinalikan din siya sa labi.

Iyon na ang huli naming napag-usapan bago siya sumakay ng kanyang kotse.

Hindi ako umalis sa aking pwesto rito sa garahe habang sinisimulan na niyang paandarin ang sasakyan. Walang tigil din ang aking pagkaway hanggang sa hindi ko na siya matanaw dahil tuluyan na itong lumisan.

Isang malalim na buntong-hininga muna ang aking pinakawalan bago ako kumilos papasok sa aming bahay. Sa bawat paghakbang ko, sinasabayan ko rin ito ng ibayong pagdarasal — na sana, maging ligtas si Oliver sa kanyang paglalakbay.

Nagdesisyon akong abalahin ang aking sarili sa paglilinis ng bahay habang walang tao rito. Kailangan kong iwaglit sa aking isip ang lungkot lalo na at wala akong makakausap sa mga oras na ito. Wala pa rin kasi sina Ate Loca at Ate Aning dahil dumiretso na rin sila sa pamamalengke matapos ihatid ang aking mga anak sa eskwelahan ng mga ito.

Inuna kong puntahan ang kwarto namin ni Oliver dahil alam kong marami kaming iniwang kalat doon. Nang makarating ako ay ang ilang mga damit niya munang nasa kama ang pinagkaabalahan kong ibalik sa aparador.

May ilang damit na akong naibabalik sa malaking aparador nang may mapansin akong isang bagay ang nasa sulok nito. Isa itong may katamtamang sukat na kahon na gawa sa bakal at sa tingin ko ay isang kaha de yero.

Nakita kong nakabukas iyon kaya nakangiti pa akong nilapitan ito. Siguro ay dito kanina kinuha ni Oliver ang mga dadalhin niyang dokumento. At dahil sa pagmamadali, marahil ay nakalimutan na niyang isara ito.

Habang nasa tapat ng nakabukas na kaha de yero ay pinag-iisipan ko kung paano isasara ito. Medyo moderno kasi ang pagkakadisenyo nito. May mga button at may mga nakatatak ditong numero.

May ilang segundo na rin akong naging abala sa ginagawa hanggang sa mapansin ko ang ilang mga bagay na nasa loob ng kaha de yero. Mga papel na magulo ang pagkakaayos kaya naisipan kong ilabas muna para ayusin ang mga ito.

May ngiti pa rin sa aking labi nang magtungo ako sa kama habang bitbit ang mga papeles. Yumuko na lamang ako dahil nanatili akong nakatayo sa tabi ng higaan namin ni Oliver. At nang mailatag ko sa kama ang mga nilalaman ng kaha de yerong iyon, isang bagay ang kumuha ng aking atensyon.

May isang klarong plastic akong napansin at may mga nakalagay roon. Wala naman sa aking sarili na dinampot agad iyon. Ngunit nang tuluyan kong makita ang nilalaman ng plastic, naramdaman kong tila ba huminto ang oras sa paligid.

Para akong nananaginip. Para akong binabangungot at gusto ko nang magising.

Hindi ko ito inaasahan. Lubha na akong binalot ngayon ng sari-saring katanungan. At nang tuluyang magproseso sa aking isip ang aking natuklasan, nakaramdam ng labis na panghihina ang buo kong katawan.

Nakita ko kung paano nagsimulang manginig ang aking mga kamay habang hawak ang mga bagay na matagal kong hinanap. Ang mga bagay na inakala kong gawa-gawa lamang ng aking isipan. Ang mga bagay na pilit kong kinalimutan.

Hindi ko man gustuhin ay kusa na lamang naglandas ang aking mga luha habang pinagmamasdan ang mga iyon sa aking mga kamay.

Gusto kong sumigaw. Gusto kong magwala. Pero kahit anong pilit kong gumalaw o kahit ibuka man lang ang aking bibig ay hindi ko magawa. Nanigas na lamang ako sa aking kinatatayuan habang patuloy na lumuluha.

Alam ko namang bobo ako.

Alam kong ignorante ako.

Alam kong maraming bagay akong hindi alam.

Alam kong isa akong mangmang.

Pero hindi ako TANGA na dapat paglaruan.

Tuluyan nang nabura ang lahat ng masasayang alaala na aking naipon dahil napalitan na ito ng galit sa dibdib ko. Ngayon ko napagtagpi-tagpi ang lahat ng naging pagbabago sa buhay ko.

Hindi ko alam kung gaano na ba ako katagal sa aking pwesto. Naputol na lamang ang pagkakatitig ko sa mga bagay na nasa aking kamay nang biglang bumukas ang pintuan nitong kwarto.

“Weldy!!”

Buong akala ko ay nakalayo na siya, pero mukhang mali ako dahil nagbalik siya. At dahil sa ginawa niyang pagbabalik dito sa bahay, lalo ko lang nakumpirma ang lahat.

Nilingon ko nang dahan-dahan ang pinanggalingan ng boses na iyon. Naroon siya sa pintuan nitong kwarto at bakas sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala. Hinihingal siya at mukhang dahil iyon sa pagtakbo at pagmamadali niya.

Pinagmasdan ko pa siyang mabuti. Nanlalaki ang kanyang mga mata at bahagya pang nakabuka ang kanyang bibig tanda ng labis na pag-aalala. Salitan niya ring pinagmamasdan ang aking hawak at ang mga mata kong patuloy na lumuluha.

Nasaksihan ko kung paano niya sinimulang humakbang para puntahan ang aking pwesto.

Pero…

“Diyan ka lang!” mariin kong utos sa kanya habang nanlilisik ang aking mga mata.

Hindi siya nakapagsalita. Mas lalo na rin rumehistro sa kanya ang labis na pagkabahala.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Sa kabila ng nag-uumpaw kong galit na naging dahilan ng panginginig ng aking buong katawan, sinikap kong ibuka ang aking bibig para siya ay sumbatan.

“Kailan pa, Oliver?!” nagdidikit ang mga ngipin kong tanong sa kanya.

Naghintay ako sa magiging kasagutan niya ngunit tanging paglunok lang ang kanyang nagawa.

“Sumagot ka! Kailan mo pa hawak ang mga bagay na ’to?! Kailan mo pa alam kung sino talaga ako?!”

Isinisigaw ko ang katanungang iyon habang ipinapakita ang tatlong bagay na nasa kamay ko.

Ang isang maliit na notebook,

ang isang lumang cellphone,

at ang isang birth certificate na may nakasulat na pangalang……..

………. Francisco Castillo.


A/N

Mag-ingay!

Ako naman ang magtatago!

Labyu, guys!

Para sa iyo ang chapter na ito,

Otor-Mar

!

Maraming salamat pala kay  FireworksShadow  para sa napakagandang cover na nasa media ko! Thanks, babe!

–– cold_deee ❤

07.29.2018

Chapter 22

A/N: Paki-play n’yo ang nasa media na song para mas dama. Ewan ko kung bagay ’yan, pero sa tingin ko ay puwede naman. Chos!

(Song title: Till My Heartaches End - KZ Tandingan cover)

Credits to the owner of the video.

  ![](https://img.wattpad.com/c045763e55b09329a899f5c20059a4eec32f9af6/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f5f567551543161565941484866773d3d2d3439323637393533372e313534386138646131316461386334333330323432313638343734332e6a7067)

FRANCE POV

“Kailan pa, Oliver?!” nagdidikit ang mga ngipin kong tanong sa kanya.

Naghintay ako sa magiging kasagutan niya ngunit tanging paglunok lang ang kanyang nagawa.

“Sumagot ka! Kailan mo pa hawak ang mga bagay na ’to?! Kailan mo pa alam kung sino talaga ako?!”

Isinisigaw ko ang katanungang iyon habang ipinapakita ang tatlong bagay na nasa kamay ko.

Ang isang maliit na notebook, ang isang lumang cellphone, at ang isang birth certificate na may nakasulat na pangalang, Francisco Castillo.

Nakikita ko kung paano sinusubukang magsalita ni Oliver, ngunit sa mga oras na ito, tila ba hindi niya alam kung paano niya iyon sisimulan.

Naging mahigpit ang pagkakahawak ko sa mga bagay na nasa aking kamay dahil sa nangingibabaw kong emosyon.

“Oliver, sumagot ka!! Kailan mo pa alam na hindi ako si Weldy?! Kailan mo pa alam na hindi ako ang tunay mong asawa?!”

Mas malakas na ang naging pagsigaw ko sa pagkakataong ito na sinasabayan pa ng pagluha ko.

Hindi agad na nakakibo si Oliver. Ang tangi lang nitong ginawa ay mapayuko nang dahan-dahan bago sagutin ang katanungan ko.

“S-simula pa noong umpisa… S-simula pa noong natutulog ka hanggang sa magising ka…”

Sa kabila ng aking mga natuklasan ay umaasa pa ako ng kahit kaunting positibong dahilan na manggagaling dito. Ngunit nang marinig ko iyon mula kay Oliver ay tuluyan nang gumuho ang aking mundo. Tuluyan na akong nanghina at napaluhod na lamang nang dahan-dahan sa sahig nitong kwarto.

Hindi ko magawang magsalita. Tanging pag-iyak lang nang malakas ang aking nagawa.

Ngayon ay naging mas malinaw na ang lahat. Dahil sa ginawang pag-amin ni Oliver ay nakumpirma kong simula pa noong una, isang palabas lamang sa pagitan naming dalawa ang lahat.

Nahihirapan akong huminga dahil sa ginagawa kong pag-iyak. Kinakapos na ng hangin ang katawan ko dahil sa aking mga natuklasan.

Hindi ako makapaniwala sa mga nangyari. Napakaraming naging pagbabago sa aking buhay ngunit hindi man lang ako nagkaroon ng pagdududa kahit kaunti.

Mula sa sulok ng aking mga mata ay nakita kong unti-unting humakbang si Oliver para puntahan muli ako sa aking pwesto, pero tulad kanina, pinigilan ko na naman ito.

Inangat ko ang aking palad para lang hindi makalapit ito.

“P-parang awa mo na, Oliver… ’W-wag… ’Wag mo akong lalapitan…” humahagulgol kong pakiusap sa kanya.

Pinakinggan naman niya ako at nanatili siyang nakatayo, ngunit kasunod no’n ay narinig ko na rin ang mga pag-iyak nito.

“I’m sorry… S-sorry… I’m really sorry…” tangi lang niyang nasabi habang humihikbi ito.

Sa mga oras na ito, hindi ko siya magawang tingnan. Dapat ay siya ang mahiya sa kanyang ginawa, pero habang iniisip ko ang mga pangyayari habang kasama ko siya, sa aking sarili ako nahihiya. Nasusuklam ako sa aking sarili dahil madali akong napaniwala.

Sinisisi ko ngayon ang sarili ko.

Binago ko ang pananaw ko. Binago ko ang sarili ko. Higit sa lahat, sinunod ko ang maling dikta noon ng puso ko dahil pinilit kong maging tama ito.

Pero bakit? Bakit ito pa ang naging kapalit ng lahat ng sakripisyo ko? Isang panloloko na hindi ko akalaing magagawa sa akin ng taong minahal ko.

“B-bakit, Oliver..? Bakit sa akin..? Bakit ako..? Anong ginawa kong masama sa ’yo..?” tanong kong hindi makatingin sa kanya nang tuwid.

Humihikbi pa rin siya nang simulan niya akong sagutin.

“W-weldy —”

“Hindi ako si Weldy!! Alam mo ’yan! Hindi ako ang asawa mo! Ako si France, Oliver!! Ako si France na pinaglaruan mo! Ako ang mangmang na napaniwala mo!! Ako ang bobong si France na binago ang sarili para lang sa ’yo!!” mabilis kong pagputol at mahabang panunumbat sa kanya. Sa pagkakataon ding ito ay nagawa ko nang tingnan siya nang tuwid sa mga mata.

Tumango siya nang marahan habang patuloy sa kanyang pagluha.

“I’m sorry…” paghingi na naman nito ng tawad. “M-maniwala ka… H-hindi ko intensyong itago ang lahat sa umpisa… Pero dahil natatakot ako… Pinanindigan ko na lang ang lahat… Maniwala ka, France… Naiipit lang din ako… Naiipit lang ako sa sitwasyon…” paliwanag nito sa pagitan na ngayon ng kanyang paghagulgol.

Sa halip na makaramdam ako ng awa sa kanya ay lalo pang nagliyab ang nararamdaman kong galit sa kanya.

“Takot..? Nagawa mo pang matakot sa kabila ng mga ginawa mo?! Kung talagang may takot ka, nagsimula ka na sana sa tama!! Hindi mo na sana pinaabot ng mahigit isang taon ang panloloko mo! Hindi mo na sana pinaabot sa puntong napaniwala mo ako na ako talaga ang asawa mo!” panunumbat ko na naman dito.

Hindi agad siya nakapagsalita. Dahil sa kanyang labis na pag-iyak ay nakaramdam din ito ng panghihina, unti-unti na rin siyang napaluhod sa aking tapat.

“I’m sorry… Sorry… Sorry…” paulit-ulit lang na paghingi ng tawad nito.

Kahit pa ilang beses siyang humingi sa akin ng kapatawaran ngayon, sarado na ang isip ko. Binalot na rin ng labis na galit ang puso ko — galit para sa kanya, at galit para sa sarili ko.

Napakabobo ko. Bakit hindi ko napansin na isang palabas lang ito? Bakit hindi ko naramdaman na pagkukunwari lang ang lahat ng ito?

Mahabang minuto pa ang lumipas. Nanatili kami ni Oliver sa aming pwesto at walang humpay ang aming mga pag-iyak. Ganoon lang ang aming posisyon nang may isang bagay akong naalala. Iyon ang bagay na noon pa sa akin ay isang malaking palaisipan.

Lumunok muna ako bilang paghahanda. Nanginginig pa rin ang aking buong katawan nang simulan kong magsalita.

“N-nasaan siya..? Nasaan ang tunay na Weldy..? N-nasaan ang… Nasaan ang tunay mong asawa, Oliver..?” pahina nang pahina ang boses kong pag-uusisa at napahagulgol na naman sa huli. Naramdaman ko kasi ang paninikip ng aking dibdib nang mabanggit ko ang salitang ’ tunay mong asawa ’. Iyon kasi ang patunay na wala kaming ugnayan ni Oliver. Hindi ako ang asawa niya. Hindi ako ang taong inakala kong bumubuo sa pagkatao niya.

Gamit ang isang braso ni Oliver ay pinunasan niya ang kanyang mga luha. Isang malalim na buntong-hininga muna ang kanyang pinakawalan. Sa mga oras na ito, nakikita kong handa na siyang isiwalat ang lahat.

“S-si Weldy… W-wala na siya… Iniwan na niya kami ng mga bata… N-noong araw na natagpuan kita… Iyon din ang araw na hindi na namin siya nakasama… Kasabay mo siyang naaksidente… Pareho kayong sakay ng barkong lumubog pero hindi na siya nakaligtas… I-ikaw lang… Ikaw lang ang pinalad na mabuhay…” pagbubunyag nito na labis kong ikinagulat.

Nang masabi ni Oliver ang detalyeng iyon tungkol kay Weldy ay nagbalik ang isang senaryo sa isip ko.

Noong nasa barko ako at nagkaroon ng malakas na pagsabog, nawalan din ako ng malay no’n. At noong magising ako, natagpuan ko na lang ang aking sarili na lumulutang sa tubig. Hindi ko rin malilimutan na ilang sandali pa lamang ay may isang tao rin akong nakita na tulad ko ay lumulutang din. Hinding-hindi ko makakalimutang kamukhang-kamukha ko ang taong iyon.

Kung ganoon, posible ngang siya si Weldy. Posible rin na mali ang aking hinala noon na ako rin ang taong iyon. Katawan iyon ni Weldy na kamukhang-kamukha ko.

Hindi ko alam kung paano iisa-isahin ang aking katanungan. Hindi ko alam kung saan ko sisimulan. Naging napakagulo na ng aking isipan.

“P-paano..? B-bakit siya… N-nagkataon lang naman na magkasabay kaming sakay ng barkong ’yon, ’di ba..?” iyon na lamang ang aking naitanong sa dami ng gusto kong malaman mula sa kanya.

Mas lalong dumoble ang mga luhang naglalandas mula sa mga mata ni Oliver. Nakikita ko sa kanya na habang patuloy siyang nagsasalita ay ang labis na paghihirap ng kanyang kalooban.

Sinimulan niya ang pagsagot sa pamamagitan ng pag-iling niya.

“N-nakasakay siya sa barkong ’yon dahil… D-dahil sa paghahanap ng nawawalang kapatid niya… H-hinahanap niya ang kakambal niya…” unang pagsagot ni Oliver at saglit na tumigil.

Naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng aking puso nang marinig ko ang huling bahagi ng sinabi ni Oliver. Nagkakaroon na ako ng ideya ngunit pinili ko na lamang hintayin ang pagpapatuloy nito.

Tiningnan muna ako ni Oliver nang tuwid bago ipinagpatuloy ang sasabibin nito.

“H-hinahanap niya ang kakambal niya na walang iba kundi ikaw… Ikaw ang nag-iisa at tunay niyang kapatid, France… Ikaw ang dahilan kung bakit mag-isa siyang bumiyahe sa probinsiyang pinanggalingan mo dahil gusto ka na niyang makita at makasama…” pagkumpirma na ni Oliver sa aking hinala.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa labis na pagkagulat. Hindi ko inaasahan ang aking matutuklasan. Hindi kailanman pumasok sa aking isip ang ideya na mayroon pa akong natitirang kapatid at kakambal ko pa.

“K-kapatid..? K-kakambal..?” tanong kong nauutal dahil pa rin sa pagkabigla.

Tumango si Oliver nang paulit-ulit at muling tumingin sa akin nang tuwid.

“K-kapatid at kakambal mo ang asawa ko, France… N-nagkahiwalay kayo dahil inampon siya noon sa bahay-ampunan at ikaw lang doon ang naiwan…” pagkumpirma pa nito.

Napakabigat na ng dibdib ko, pero noong malaman ko ang detalyeng iyon ay parang gusto ko na lang maglaho.

Ngayon ko lang napag-isip-isip na kaya naman pala hindi kami nakitaan ng pagkakaiba ni Weldy. Kaya pala halos lahat ng nakapaligid sa amin ay iisa ang nakikita sa aming imahe. Hindi lang pala kami basta magkamukha. Konektado kami dahil magkakambal kami.

Hindi na ako makapagsalita. Dahil doon ay sinamantala na rin ni Oliver ang pagsisiwalat ng mga detalyeng hindi ko pa alam.

“N-noong nalaman ni Weldy ang kinaroroonan mo, hindi na siya nagdalawang-isip na puntahan ka… Doon sa bahay-ampunan na pinagmulan n’yong dalawa, mag-isa siyang bumiyahe para hanapin ka… Pinilit kong sumama, pero tumanggi siya… G-gusto niya kasi… Gusto niyang masulit ang oras na makasama ang kakambal niya na wala ngang iba kundi ikaw…” muling pagbubunyag nito.

Sa mga oras na ito, unti-unti kong nararamdaman na nababawasan ang galit sa puso ko. Ngunit ang naging kapalit nito ay ang ibayong pangungulila sa kapatid ko.

Bakit kailangang sapitin naming pareho ang hirap na iyon? Bakit hindi kami nabigyan ng pagkakataon na magkakilala at magkita nang personal? Bakit kung kailan muntik na kaming magkita ay doon pa dumating ang matinding trahedya sa aming mga buhay?

Wala akong nagawa kundi ang magpatuloy na lamang sa pag-iyak. Nakatingin lang ako kay Oliver nang ipagpatuloy na naman nito ang pagbubunyag.

“N-noong araw na nakarating siya sa bahay-ampunan, tuwang-tuwa pa siyang tumawag sa akin… Makikita na raw niya ang kakambal niya… Ramdam ko ang saya niya habang kausap ko siya… Nagkita pa sila ni Sister Martina na inakala pang ikaw siya… Hindi alam ni Sister Martina na siya si Weldy at hindi ikaw bilang France… Nagkaroon sila ng kaunting pag-uusap hanggang sa masabi ng madre na kaaalis mo lang doon para magtungo sa Maynila… Kaya sa halip na magtagal pa si Weldy roon, sinundan ka niya agad… Iyon din ang kaparehong araw na bumiyahe ka para hanapin ang isa mong kamag-anak… Iyon ang araw na wala kang ideya na kakambal mo pa pala ang natitira mong kamag-anak… Nakasakay kayo sa iisang barko at pareho kayong naghahanap…”

Natugunan na ang katanungan ko. Lahat ng bagay na gusto kong alamin bago ako umalis sa bahay-ampunan ay tuluyan nang nasagot. Ngunit ang nakakalungkot, hindi kami pinagtagpo ng taong hinahanap ko. Ang taong walang iba kundi ang nag-iisang kapatid at kakambal ko.

Napayuko na lamang ako kasabay ng paghagulgol ko.

Lungkot, pagsisisi, at pangungulila. Lahat ng bagay na iyan ay namamayani sa loob ko.

May ilang minuto na naman ang lumipas na wala kaming pinag-uusapan ni Oliver. Sa apat na sulok nitong kwarto, ang aming mga pag-iyak lamang ang naririnig dito.

“A-ano pang hindi ko alam, Oliver..? Sabihin mo na ang lahat… Nagmamakaawa ako sa ’yo… Sabihin mo na sa akin ang lahat… P-parang awa mo na… Kahit ’yon lang… Gawin mo kung may natitira ka pang malasakit sa akin…” mahaba kong pakiusap sa kanya sa pagitan ng aking pag-iyak.

Hindi siya agad na nakapagsalita, ngunit matapos ang isa na namang pagbuntong-hininga ay nagsimula na rin siya.

“N-noong naaksidente ka at dalawang buwang walang malay… Hinahanap ko pa si Weldy no’n… Gulong-gulo ako dahil hinahanap na siya ng mga anak ko… Patawarin mo ako… Pero dahil sa iisa ang mukha ninyong dalawa, dito na rin kita dinala para kahit paano ay may maipakita ako sa mga bata…”

“D-dalawang buwan… Dalawang buwan akong naghanap kay Weldy pero wala… Hanggang sa magising ka at nagdesisyon akong ipilit sa ’yo ang lahat… Kinumbinsi kita na iisa kayong dalawa… Patawarin mo ako… Sinadya ko ang lahat simula pa noong una kang makarating dito…”

Iyan ang kanyang naging pagtatapat habang siya ay umiiyak.

Parang libo-libong kutsilyo ang bumaon sa puso ko nang sabihin niya ang mga iyon. Ngayon ay malinaw na sa akin na ginamit niya lang talaga ako. Kaya pala simula pa noong una ay pilit niyang isinisiksik sa aking isip na iisa kami ng kapatid ko. Kung hindi ko pa madidiskubre ang kanyang itinatago, hindi rin siya titigil sa pagmamanipula ng isip ko.

“B-bakit, Oliver..? Bakit..? Bakit mo ako kailangang gamitin nang ganoon katagal..?” paghingi ko ng paliwanag sa kanya.

Muling lumakas ang kanyang pag-iyak ngunit nagawa naman niyang sagutin ang katanungan kong iyon.

“N-natatakot kasi ako… Gulong-gulo na ako kahit hanggang ngayon… Nagawa ko lang ’yon para sa mga anak ko… H-hindi ko kasi alam kung paano ipapaliwanag sa kanila na nawawala ang Papa nila… At hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano sa kanila sasabihin na wala na si Weldy… Inaalala ko silang dalawa lalo na si Marl… Alam mo naman ang kalagayan niya, ’di ba..? Sa oras na malaman nila ’yon, dadamdamin nilang pareho ’yon…” mahaba nitong sagot.

Sinubukan kong intindihin ang dahilan niyang iyon, pero kahit anong pilit ko ay lalo lang akong nakaramdam ng galit sa kanya.

Naikuyom ko ang aking mga kamao at hindi ko napigilang sigawan siya.

“At kung hindi ko pa malalaman ang totoo, wala ka rin balak ipagtapat sa akin kung sino talaga ako?! Hindi mo man lang ba inisip na may sariling buhay ako, Oliver?! Para lang sa kapakanan ninyong lahat, ginamit mo ako! Ginawa mo akong kasangkapan para maging reserba ng asawa mo! Napakasama mong tao! Wala kang kasing sama, Oliver! Napakasama mo!” sumbat ko rito at hindi ko na rin napigilang paulit-ulit na pukpukin ang kanyang braso gamit ang aking kamao.

Sinalo niya ang lahat ng pananakit ko. Hindi siya umiwas at tinanggap niya lang ang lahat ng iyon.

“I-i’m sorry… Patawarin mo ako…” paghingi na naman ng tawad nito.

Paulit-ulit ko pa siyang sinaktan gamit ang aking kamao, ngunit makalipas lang din ang ilang segundo ay nakaramdam din ako ng pagod. Hinang-hina ang aking katawan kaya tuluyan na akong napaupo sa sahig nitong kwarto.

Sa buong buhay ko, ngayon ko lang nagawang manakit ng tao. Nagawa ko ang bagay na ito dahil sa labis na galit ko. Hindi ko matanggap ang panggagamit sa akin ng taong pinagkatiwalaan ko nang lubos. Pinaniwala niya ako sa lahat ng bagay na akala ko ay totoo.

Nagbalik sa aking isip ang mga kaganapan noong magising ako. Magmula noong araw na bumungad sa akin ang pamilyang ito. Ngayon ko lang napag-isip-isip kung bakit malamig noong umpisa ang pakikitungo sa akin ni Oliver. Kaya naman pala halos ayaw na niya akong kausapin o kahit tingnan man lang, dahil simula pa lang, alam na niyang hindi talaga ako si Weldy. Hindi ako ang tunay niyang asawa.

Ginawa niya ang lahat para lang makumbinsi akong iisa lang kami ni Weldy. Natatandaan ko pang halos magmakaawa siya noon para ipilit sa akin na nakalimutan ko lang ang nakaraan. Naging matagumpay siya dahil kahit isang beses ay hindi ako sa kanya nagduda. Mas marami ang pagkakataon na nagduda ako sa aking sarili kesa sa kanya.

Parang naubusan ako ng lakas sa katawan. Gusto ko mang sumigaw ngunit alam kong gasgas na ang aking lalamunan. Gising ako at nakamulat ang mga mata, ngunit parang wala na akong makita. Nawalan ng kulay ang paligid kaya naiwan na lamang akong nakatulala habang patuloy na naglalandas ang mga luha.

“M-may hindi ka pa ba nasasabi, Oliver..? Pakiusap… Sabihin mo na sa akin ang lahat hangga’t kaya ko pa… Sabihin mo na ang lahat hangga’t naririnig pa kita… Nakikiusap ako sa ’yo… Nagmamakaawa ako… Sabihin mo na ang lahat para matapos na ’to… K-kasi… Kasi… Napapagod na ako… Pagod na pagod na ako…” muli kong pakiusap sa kanya sa boses kong pahina nang pahina.

Naririnig ko ang mga paghikbi ni Oliver. Nararamdaman kong nagsisisi siya, ngunit para sa akin ay huli na. Hindi na magbabago ang lahat ng nangyari. Binago niya ang pamumuhay ko dahil sa kanyang pagiging makasarili.

Muling nagsalita si Oliver habang umiiyak. Nakinig lamang ako sa kanya habang nasa tila kawalan ang aking mga mata.

“M-maniwala ka, France… Hindi ko naman sinadyang itago noong umpisa kung sino ka talaga… Naisip kong kapag nakita ko na si Weldy, aamin din ako agad… K-kaso… Kaso noong natagpuan ko siya, nawalan na rin ako ng tiyansa… Hindi ko na kayang ipagtapat sa ’yo lalo na noong natagpuan ko na ang bangkay niya… Nawalan na rin ako ng lakas ng loob na aminin sa ’yo ang totoo dahil nakita kong malapit na kayo ng mga anak ko sa isa’t isa…”

Lalo lamang pinipiga ang aking puso tuwing mababanggit niya ang mga bata, tuwing nasasabi niya ang tungkol sa kanila. Hindi na kasi sila sa akin iba. Para akong pinapatay dahil mahal na mahal ko na rin sila. Itinuring ko silang akin. Itinuring ko na silang parte ng buo kong pagkatao.

“Noong nakita kong masaya ka nang kasama ang mga anak ko, doon na rin ako nakagawa ng panibagong desisyon… Hahayaan kong paniwalaan mo na nawawala lang ang memorya mo… Ginawa ko iyon dahil nakikita kong mahal na mahal mo na rin ang mga anak ko… Aaminin ko… Sinamantala ko ang kahinaan mo… Sinamantala ko ang pagiging inosente mo… Kaya humihingi ako ng tawad sa ’yo… Patawarin mo ako… Patawarin mo ako sa mga kasalanan ko sa ’yo…”

Matapos kong marinig ang mga pahayag niyang iyon ay lalo lamang akong nakaramdam ng awa sa aking sarili.

Hindi ito ang pinangarap ko. Hindi ganitong uri ng buhay ang pinagdasal ko. Hindi ito ang hiniling ko.

Bakit kailangan akong gamitin dahil lang sa mangmang ako? Bakit kailangan akong lokohin at abusuhin dahil lang sa kawalang alam ko? Ganito ba talaga ang sinasapit ng mga tulad kong mahina ang ulo? Paglalaruan at paiikutin para lang sa kapakanan nilang pinalad na magkaroon ng talino?

Kung ganito lang din ang sasapitin ng tulad namin, sana ay hindi na lang kami binigyan ng pagkakataong mabuhay. Hindi na lang sana kami hinayaang isilang kung kami ay pahihirapan at sasaktan lang din naman. Hindi kasi madali. Para lang kaming mga kasangkapan na wala nang halaga sa oras na mabasag. Hinahayaan na kami at itatapon na parang basura lang.

Mahabang minuto pa ang dumaan sa pagitan namin ni Oliver ngunit wala nang namagitan pang usapan sa amin. Napuno ng iyakan ang buong sandali dahil sa pinaghalo-halong dahilan. Siya ay umiiyak dahil sa labis na pagsisisi, habang ako naman ay umiiyak dahil sa labis na pagkasawi.

Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko na alam kung may kalulugaran pa ba ako. Dahil sa aking nadiskubre ay lalo ko lamang napatunayan sa aking sarili na wala talaga akong karapatan na sumaya. Sana ay nanatili na lamang ako noon sa bahay-ampunan dahil kahit paano ay may ilang mga tao sa aking tumanggap. Naging kasangkapan man ako roon bilang reserbang magulang para sa mga naulilang bata, hindi ko naman naranasan ang pagkaitan ng pagmamahal.

Dahil sa sari-saring bagay ang naglalaro sa aking utak, wala ako sa sariling tumayo mula sa aking pagkakasalampak. Hinang-hina man ang aking katawan ay ibinuhos ko ang natitira kong lakas para makaangat.

Tumayo ako sa aking puwesto habang nakatulala. Nagdesisyon akong iwanan na lamang si Oliver na hanggang ngayon ay patuloy na lumuluha habang nakaluhod.

Gusto kong tumakbo ngunit batid kong hindi na rin kakayanin ng aking katawan. Kaya kahit nahihirapan ay sinikap kong humakbang para lang makalayo sa lalaking nagparanas ng pinakamatinding pagkabigo sa aking buhay.

“France, sandali… S-saan ka pupunta..? “ pag-awat nito nang marating ko ang kanyang pwesto. Nagawa pa niyang hawakan ang aking mga kamay para mapigilan ako. At dahil sa hawak niya ako ay naramdaman ko ang nanlalamig niyang mga kamay habang nanginginig pa ang mga ito. Hindi roon maikakaila ang labis na pagkabahala nito.

Sinubukan kong patigilin ang aking pag-iyak, ngunit nang gawin ko iyon ay nasundan lamang ng panibagong luha ang aking mga mata.

“H-hindi ko alam… Hindi ko alam, Oliver…” sagot kong humihikbi at hindi sa kanya makatingin nang tuwid. “Ngayong malinaw na sa akin ang lahat… S-sa tingin ko… Sa tingin ko… Wala na rin akong karapatang manatili rito… H-hindi tayo konektado… H-hindi ako miyembro ng pamilyang ’to… Wala na rin akong papel dito… Tapos na ang tungkulin kong maging reserba ng kapatid ko…” pag-amin ko sa naging reyalisasyon ko.

Ngayon ay wala nang duda sa mga bagay na iyon. Dahil sa nalaman ko na ang lahat, sa tingin ko ay tapos na rin ang mga pagpapanggap. Hindi nila ako kaano-ano. Isang sampid lamang ako na pansamantalang nanirahan dito. Tapos na rin ang tungkulin kong gampanan ang papel bilang kapalit ni Weldy at asawa ni Oliver. Tapos na ang pangangarap na may dalawa akong anak. Dito na nagtatapos ang isang magandang panaginip na mayroon akong isang pamilya na sa akin ay tumanggap.

Nang marinig ni Oliver ang mga sinabi kong iyon ay naramdaman kong mas naging doble ang panginginig ng kanyang mga kamay. Mas hinigpitan niya rin ang pagkakahawak sa akin habang siya ay nakaluhod sa aking tapat.

“’W-wag… Please, naman… ’Wag naman ganito… ’Wag kang umalis, France… ’Wag mo akong iwan… Nagmamakaawa ako sa ’yo… Hindi ko kaya… H-hindi ko kakayanin ’pag umalis ka… Please… ’Wag mo kaming iwan ng mga bata…” humahagulgol na pagmamakaawa sa akin ni Oliver. Kasunod din nito ay kumapit siya nang mahigpit sa bewang ko at tiningala ako.

Hindi ko alam kung ano ang dapat isagot sa pagmamakaawa niyang iyon kaya napailing na lamang ako. Ginawa ko iyon para iparating ang hindi ko pagsang-ayon.

“A-alam kong malaki ang kasalanan ko sa ’yo… Pero maniwala ka… Sa loob ng mahigit isang taon na nakasama kita… Nakita ko kung gaano ka kahalaga… Natutunan na kitang mahalin sa bawat araw na nakakausap at nagkakasama tayong dalawa… Maniwala ka, France… Mas ikakamatay ko kung mawawala ka… Parang awa mo na… Hindi ko kakayanin kung aalis ka…” muli pa nitong pagbubunyag.

Hindi ba dapat ay makaramdam ako ng saya sa mga binitiwan niyang mga salita? Pero bakit mas nangingibabaw ang galit ko sa kanya? Wala akong maramdamang saya. Sa tingin ko nga ay hindi ko na magagawa pang ngumiti sa mga darating na araw habang ako ay humihinga.

Yumuko ako para magtagpo ang aming mga mata. Halos mapuno na ng luha ang kanyang mga pisngi ngunit hindi pa rin ako sa kanya makaramdam ng awa.

“Bakit ka natatakot, Oliver..?” tanong ko sa kanya. “Alam mo naman, ’di ba..? Alam mo sa simula pa lang na hindi ako ang tunay mong asawa… Anong kinakatakot mo..? Na mawawalan ka na ng reserba..?” pagsasabi ko pa ng saloobin sa kanya.

Umiling siya nang maraming beses bilang pagtanggi sa paratang ko sa kanya.

“Oliver, alam kong bobo ako… Pero hindi ako kasing tanga tulad ng iniisip mo… Alam kong nasasabi mo lang ’yan dahil iisa ang mukha namin ni Weldy… Hindi ka natatakot na mawala ako bilang France… Natatakot ka dahil hanggang ngayon, nakikita mo ako bilang Weldy na asawa mo… Hindi ako ang mahal mo, Oliver… Hindi ako bilang France kundi si Weldy na kakambal ko…” pagtatapat ko na rito kasabay ng pagpatak ng panibagong mga luha ko.

Muling umiling si Oliver habang tinitingala pa rin ako.

“Mali ka… M-maniwala ka… Minahal na kita nang higit pa sa kanya… Kahit pa sabihin mong nangyari lang iyon sa maikling panahon… Alam ko sa sarili kong nakalimutan ko na siya… Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nagmakaawa nang tulad nito… K-kasi… Kasi… Hindi ko kayang mawala ka… Maniwala ka naman sa akin, please..? Iyon din ang dahilan kung bakit hindi ako matahimik nitong huli… Natatakot ako dahil iniisip kong muntik mo na akong iwan… Pakiusap… Dito ka lang… Mahal na mahal kita, France… Parang awa mo na… Pakinggan mo ako ––” mahabang pagmamakaawa sana nito na hindi naituloy.

“Tumigil ka na!” sigaw ko sa kanya. “Sa tingin mo ba maniniwala pa ako sa ’yo kung minsan mo na akong niloko?! Inuulit ko, Oliver! Bobo ako pero hindi ako tanga! Inalis mo na ang lahat sa akin! Tinanggalan mo na ako ng kinabukasan! At kahit saang anggulo mo tingnan, ginamit mo pa rin ako! Dalawa kaming pinaglaruan mo rito, Oliver! Kami ni Weldy! Ginawa mo akong reserba ng sarili kong kadugo! Pinaglaruan mo kaming dalawa ng kapatid ko!” mahabang panunumbat ko pa sa kanya.

Matapos ang mga sinabi kong iyon ay mabilis din akong nakaipon ng lakas. Gamit ang aking mga kamay ay sapilitan kong tinanggal ang kanyang mga brasong nakakapit sa aking bewang.

“France, dito ka lang!! ’Wag mo akong iwan!! Parang awa mo na!! Dito ka lang!!”

Iyon lamang ang paulit-ulit kong naririnig na sigaw mula kay Oliver habang tumatakbo ako palabas ng kanyang bahay.

Desidido na ako. Dito na dapat magtapos ang mga pagkukunwaring ito.

Ito na ang pinakamatindi kong kabiguan. Sa isang iglap lang ay nagising ako sa isang katotohanan.

Sapat na ang lahat ng nangyari para isiksik ko sa aking utak na wala nang pag-asa pang maabot ang aking simpleng pangarap. Isinilang ako sa mundo para maging isang kasangkapan. Isang bagay lang ako para saglit na mapakinabangan. Hindi ako kailanman mabibigyan ng karapatan na sumaya. Kahit kailan ay hindi ako nararapat na mabigyan ng matatawag kong sariling pamilya.

Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Patuloy ang aking pagtakbo kasabay ng malakas na pag-iyak ko. Hinahayaan ang aking mga paa kung saan nito ako itutungo.

Tila ba nakikisimpatya rin sa akin ang langit. Makulimlim sa mga oras na ito at tila gustong sabayan ang aking paghihinagpis.

Mahabang pagtakbo pa ang aking ginawa hanggang sa makaramdam ako ng pagkahapo. Narating ko ang malaking parke kung saan madalas kaming naglalaro ng mga batang itinuring ko nang pag-aari ko. Hindi ko na rin maiwasan na lalong makaramdam ng panghihina dahil sa pag-iisip sa mga ito.

Dito sa lugar na madalas naming puntahan nina Kryz at Marl para maglaro. Dito sa parke na may magagandang alaala na akong naipon kasama ang mga batang inangkin kong mga anak ko. Dito ko natagpuan ang aking sarili na nakaupo na rin sa mga silyang nagkalat dito.

Wala pa rin humpay ang aking pag-iyak habang inililibot ang paningin ko sa kabuuan ng lugar na ito. Nakikita ko ang aking sarili na nakikipaglaro at nakikipaghabulan kina Kryz at Marl. Dahil sa naisip ko silang dalawa ay lalo akong nanlumo. Ito ang isa sa pinakamasakit na bagay sa katotohanang ngayon ay sinasampal ako.

Sina Kryz at Marl — sila ang isa sa mga magagandang alaala na kailangan ko na ngayong ibaon sa limot.

Hindi sila akin. Hindi sila parte ng buhay ko. Hindi ako isang pamilya tulad ng nakikita sa akin ng mga ito. Dahil tulad ni Oliver, isa lamang malaking akala ang pagkakakilala sa akin ng mga ito.

Nahawakan ko ang aking dibdib dahil naramdaman kong naninikip ito. Naiisip ko pa lang na mawawalay ako sa mga bata ay parang mamamatay na ako.

Wala akong mapagpipilian. Wala man akong ideya kung saan ako dapat na magpunta, kailangan ko nang manindigan.

Wala akong lugar sa bahay na iyon. Wala akong pag-aari sa mga naroroon. Iyon ay dahil wala naman akong papel simula pa nang makatapak ako roon.

Minsan ko lang matagpuan ang bagay na aking hinahangad at pinapangarap, pero sandali lang pala sa akin itong ipaparanas dahil kasinungalingan lang ang lahat.

Habang iniisip ang lahat ng nangyari, hindi ko rin maiwasang makaramdam ng pandidiri sa aking sarili.

Naisip ko si Oliver at ang mga pinagdaanan namin nito. Ang mga masasayang sandali na pinagsaluhan namin ngunit maling-mali pala sa mata ng Diyos.

Nagawa kong ibigay ang buo kong pagkatao maging ang aking katawan sa mismong asawa ng kapatid ko.

Pakiramdam ko ay napakaimoral ko. Pakiramdam ko ay nagtaksil ako kahit hindi ko ginusto. Dahil sa aking kamangmangan ay hindi ko sinasadyang magpagamit sa hindi karapat-dapat na tao.

Labis na pagsisisi ang nararamdaman ko. Nagsimula na rin akong kausapin ang kakambal ko. Umaasang sana ay marinig ako nito.

“S-sorry, Weldy… Sorry… H-hindi ko sinasadya… S-sorry…” paghingi ko ng tawad sa kanya sa pagitan ng aking pag-iyak.

Maraming beses pa akong humingi sa kanya ng kapatawaran. Umaasang masasagot niya ako kahit sa pamamagitan lamang ng pagpaparamdam.

Hindi ko na alam kung inabot na ba ako ng isang oras na naririto sa parke. Naputol ang aking mahabang pag-iisip habang umiiyak nang isang tunog mula sa cellphone ang aking narinig.

Dahil sa dami ng nangyari kanina ay hindi ko namalayang nadala ko pala ang cellphone na ibinigay sa akin ni Oliver. Lagi kasi itong nasa aking bulsa. Lagi kasi akong nakaabang sa pagtawag ng taong inakala kong aking asawa.

Nang makita ko kung sino ang tumatawag sa akin ay lalo akong napaiyak. Nakita ko ang mukha at pangalan ng taong inakala kong parte rin ng aking buhay.

“H-hello, Kuya Michael…?” umiiyak kong pagsagot dito.

Alam kong hindi dapat, pero sa mga oras na ito, siya lang ang nag-iisang tao na sa tingin ko ay aking masasandalan.

“Nasaan ka?!” tanong agad nito at ramdam ko sa kanya ang pagkataranta. Sa tono ng kanyang boses ay alam kong nag-aalala siya.

“K-kuya…” iyon lang ang aking nasabi habang nakadikit ang telepono sa aking tainga. Para akong isang bata na nagsusumbong dahil mayroon sa aking umapi na mga kapwa ko rin bata.

“Nasaan ka?! ’Wag kang aalis diyan! Pupuntahan kita!” halos sumisigaw nang utos nito sa akin.

Siguro nga ay maling-mali ito. Kabilang siya sa pamilyang dapat ay iwasan ko. Pero kahit sandali lang, gusto kong may taong handang makinig sa mga pag-iyak ko. Isang tao na kahit ilang minuto lang ay masasandalan ko bago rin ako magpaalam dito.

“P-puntahan mo ako, Kuya… Parang awa mo na… Puntahan mo ako…”

Kasunod ng pagmamakaawa kong iyon sa kanya ay sinabi ko ang kinaroroonan ko.


A/N

So, there. Part 1 pa lang ng mga revelation. Ayan ang clue, part 1 pa lang. Hehe!

Salamat sa nag-uumapaw sa comments sa huling chapter! Nakakatuwa na ang ilan doon ay nagkakapalitan pa ng opinyon at nag-uusap! Hahahaha! Ang sarap magbasa!

Para po sa ’yo,

RobAntonio

, ang chapter na ito! Salamat sa support! ❤

’Til next chapter na lang po. Hula pa ulit kung ano ang mga susunod na tagpo! Labyu, guys! Salamat sa pagbabasa, sa mga boto, at sa mga komento.

–– cold_deee ❤

08.05.2018

Chapter 23


FRANCE POV

Ilang oras na nga ba ang nakakalipas simula nang malaman ko ang lahat? Hindi ko na alam. Ang tanging malinaw lang sa akin, hindi na tumigil sa pagpatak ang mga luha ko sa mga oras na nagdaan.

Dito pa rin sa parke ay nag-iisa akong nakaupo habang nakayuko. Pilit na kinalilimutan ang mga nangyari ngunit paulit-ulit din akong nabibigo.

Sa bawat pagtatangka kong iwaksi sa aking isip ang aking mga nadiskubre, nauulit din ang mga senaryo kung paano kami nagsimula ni Oliver. Ang mga masasayang sandali na kasama ko siya, ang mga pagkakataon na ginagabayan niya ako sa mga bagay na bago sa aking kaalaman, at ang pinakahuli, paulit-ulit kong naririnig sa aking isip ang kanyang mga salita kung gaano niya ako kamahal.

Hindi ako naging handa. Nasanay na akong nasa tabi ko siya, nasanay na ako sa kanyang presensiya at pag-aalaga, ngunit sa isang iglap, nawala na rin iyong lahat.

“I love you, Daddy…”

“I love you, too, Weldy…”

Tuwing naririnig ko sa aking isip ang mga salitang iyan, lalo pang tumitindi ang sakit.

Malinaw na hindi ako ang mahal niya kundi si Weldy na kakambal ko pa. Hindi ako ang taong nagpapasaya sa kanya. Isa lang akong reserba ng kakambal kong namayapa.

May katagalan na ako sa posisyong iyon hanggang sa makarinig ako ng mabibilis na yapak tanda ng pagtakbo. Ilang sandali lang din ay natigilan ako nang may makita akong pares ng mga sapatos ang nasa tapat ko.

Dumating siya. Dumating ang isa sa mga taong inakala kong isa sa aking pamilya. Ang taong sa maikling panahon ay nagparamdam sa akin na hindi ako nag-iisa.

Hindi ko inangat ang aking mukha para tingnan siya. Nakaramdam ako ng hiya habang iniisip kung paano ko sasabihin ang lahat sa kanya.

Ilang segundo pa ang lumipas hanggang sa makita ko ang nakalahad niyang kamay. May hawak itong isang panyo at sa akin ay ibinibigay.

“Punasan mo na ang mga luha mo. Hindi ko kayang makita na umiiyak ang kapatid ko.”

Iyon lang kanyang sinabi na naging dahilan para dumoble pang lalo ang lungkot na nararamdaman ko.

Ang taong ito, walang kaide-ideya na hindi ako ang kapatid nito. Isa siya sa mga napaniwala ni Oliver na ako at ang kinikilala nitong kapatid ay iisang tao. Isa rin ang taong ito sa mga inakala kong parte ng buhay ko. Isa siya sa nagpakita sa akin ng malasakit na hinangad ko. Pero gaya ng inakala kong pamilya, ipinahiram lang din siya.

Hindi ko alam ang eksaktong detalye kung paano sila naging konektado ng kakambal kong si Weldy. Pero base sa isiniwalat ni Oliver kanina, sa tingin ko ay magkapatid lang sila dahil sa iisa ang kinikilalang magulang nila. Inampon si Weldy, kaya marahil ay nag-iisa lang noon si Kuya Michael.

Hindi ako kumilos. Nanatili akong nakayuko at hindi inabot ang panyong ibinibigay ni Kuya Michael. Lumuluha pa rin ako hanggang ngayon dahil sa pagkabigo.

Dahil sa wala akong kakilos-kilos ay si Kuya Michael na ang gumawa ng hakbang. Dahan-dahan siyang lumuhod sa aking tapat upang magtagpo ang aming mga mata.

Nang makita ko siya ay nakumpirma kong nag-aalala nga siya. Bakas iyon sa kanyang mukha, ngunit kahit ganoon, sinikap niyang ngumiti na tila nakikisimpatya.

“Tahan na…” malambing niyang sambit. Kasunod nito ay marahan niyang pinunasan ang mga luha ko gamit ang panyong kanina ay iniaabot nito. “Pangit ka na nga, umiiyak ka pa… Nandito na si Kuya… ’Wag ka nang umiyak…” dugtong pa nito habang patuloy sa ginagawang pagpahid ng aking mga luha.

Dahil sa ipinakita ni Kuya Michael ay hindi ko napigilang magbalik sa paghagulgol. Sa wakas ay nagawa ko rin ang kumilos upang yakapin ito.

“K-kuya…” tangi ko lang nasabi habang yakap siya.

Para akong isang batang paslit na nagsusumbong. Ayaw ko man na makita niya ang aking kahinaan, huli na para roon. Nasaksihan na niya kung gaano ako naghihirap ngayon.

“Ssshhh… Tahan na… Kuya is here… Everything will be fine… I won’t leave you like this…” wika nito habang paulit-ulit na hinahaplos ang aking likod.

Wala man akong naintindihan sa kanyang mga ilang salita ay nakaramdam naman ako ng seguridad. Siguro nga ay tama ako sa naging desisyon ko na lumapit dito. Siya na lang naman ang natitirang tao na makakausap ko.

“Doon muna tayo sa bahay… Hindi puwedeng dito ka nagmumukmok… Malapit na rin umulan, oh..? Baka magkasakit ka pa nito..?” pagyaya nito makalipas ang ilang segundo.

Isang malalim na buntong-hininga muna ang aking pinakawalan bago ako dahan-dahang humiwalay sa kanya. Sinalubong naman ako ng ngiti ni Kuya Michael na may bahid pa rin ng pag-aalala.

“Halika na?” pagyaya nitong nakangiti matapos niyang tumayo nang tuwid. Nakalahad na rin ang kanyang isang kamay para abutin ko ito.

Kahit sandali lang ay gusto ko ng makakasama. Sa tingin ko ay pagkakataon na rin ito para makapagpaalam sa kanya. Marami na rin siyang nagawang mabuti para sa akin. Ito na siguro ang tamang panahon para ipagpasalamat ang mga iyon sa kanya.

Kumilos ako para abutin ang kamay ni Kuya Michael. At nang tuluyan na kaming makatayo ay agad din niya akong inakbayan para simulan ang aming paglalakad.

“Sakay ka na. Doon na sa natin sa bahay pag-usapan ’yan.” utos sa akin ni Kuya Michael matapos akong pagbuksan ng kanyang sasakyan.

Hindi na ako nagsalita pa, nagpadala na lang ako sa paggaya niya.

Sa loob ng ilang minutong biyahe patungo sa kanyang bahay ay walang namagitang usapan sa aming dalawa. Tahimik siyang nagmamaneho ngunit paminsan-minsan akong nililingon nito. Ako naman ay nagpatuloy sa pag-iyak dahil pa rin sa pag-iisip sa kaninang naging tagpo.

Aaminin ko, bahagya akong napakalma ni Kuya Michael dahil sa mga simpleng pagtapik niya sa aking ulo. Ibinigay na rin niya ang kanyang panyo para magamit ko ito.

Nakarating kami sa bahay ni Kuya Michael at hindi ko maiwasan ang masorpresa. Ito ang kauna-unahang beses na nakarating ako rito. Nakikita ko noon sa video ang magandang bahay niya tuwing kausap niya ang mga bata, ngunit ngayon ko lang ito nakita nang personal. Kung malaki ang bahay ni Oliver, higit na doble ang laki ng bahay ni Kuya Michael.

Pumasok kami sa malaking pintuan ng kanyang bahay at dumiretso na rin kami sa napakalaking sala. Iginaya niya rin akong umupo sa magara niyang sofa at dahan-dahan siyang kumilos para tumabi sa kinauupuan ko.

Mula rito sa aking pwesto ay nakikita kong may mga kasambahay siyang abala sa paglilinis. Mayroong nasa loob nitong kanyang bahay at ang ilan naman ay nasa labas. May nagdidilig ng mga halaman at naglilinis ng swimming pool. Saglit nilang binati si Kuya Michael na tinugunan lang naman nito ng pagngiti.

Nilingon ko si Kuya Michael sa aking tabi. Nakatanaw ito sa kanyang mga kasambahay na itinuloy na ang kanilang mga ginagawa. Napansin kong nakangiti pa rin siya sa mga oras na ito, ngunit nang tingnan ko ang kanyang mga mata ay tila ba malungkot ito.

May ilang segundong katahimikan ang namayani sa amin hanggang sa basagin niya ito.

“Simula nang mag-asawa ka, unti-unti na rin akong kumuha ng mga kasambahay rito. Dati kasi, on-call lang ang mayroon tayo. Nabanggit ko naman sa ’yo noon, ’di ba? Simula nang iwan tayo nina Mommy at Daddy, tayo na lang dalawa rito ang natira.” bigla niyang pagkukuwento.

Nang marinig ko ang boses niyang iyon ay doon ko nakumpirma ang nararamdaman ngayon ni Kuya Michael. Tama ako, nalulungkot nga siya sa mga oras na ito, ngunit sinisikap niyang ngumiti sa lahat ng nakikita nito.

“Kailangan ko kasi ng makakasama simula nang umalis ka. Alam mo naman ang Kuya, wala pang asawa,” muli niya pang pagsasalita at saglit na natawa. “Sa ’yo ko kasi ibinuhos ang oras ko. Alam ko kasing kailangan mo pa ako.” dugtong pa nito at dahan-dahang napayuko.

Nang marinig ko ang huli niyang mga salita ay hindi ko maiwasang makaramdam ng awa sa kanya. Dahil sa mga nalaman ko mula kay Oliver, pakiramdam ko ay mabibigo ko rin siya. Hanggang ngayon kasi ay iniisip niyang iisa kami ng kapatid niyang si Weldy.

Sinubukan kong ibuka ang aking bibig para magsalita.

“K-kuya…” nauutal kong panimula.

Gusto ko sa kanyang sabihin ang aking natuklasan. Ayaw ko man na madagdagan pa ang kanyang kalungkutan, wala naman akong mapagpipilian. Kailangan kong sabihin sa kanya ang lahat dahil ayaw kong magpaalam sa kanya na mayroon akong itinatagong sikreto. Naging napakabuti niya sa akin kaya nararapat lang na malaman niya ang totoo — na hindi ako ang kapatid na inaakala nito.

Nilingon naman ako ni Kuya Michael. Suot niya pa rin ang pilit na ngiti nang tingnan niya ako nang diretso.

“Alam kong may sasabihin ka. Alam kong marami kang bagay na gustong ipaalam sa akin. Pero, kung puwede sana, pakinggan mo muna ako. Hayaan mong sabihin ko ang mga bagay na matagal ko nang gustong sabihin sa ’yo.” pakiusap ni Kuya Michael na ikinatahimik ko.

Alam kong hindi ito ang oras para gawin iyon, pero sa nakikita ko kay Kuya Michael, mukhang kakailanganin niya rin ng kausap ngayon.

Matapos ang ilang segundo kong pananahimik ay natagpuan ko na lamang ang aking sarili na tumatango. Sumang-ayon ako sa pakiusap ng taong bakas ang pangungulila sa mga oras na ito.

Lumawak ang pagkakangiti ni Kuya Michael saka rin ito tumango.

“Sumama ka sa akin. May mga gusto akong ipakita sa ’yo.” pagyaya na nito.

Hindi na niya ako hinintay pang makasagot, agad din siyang tumayo sa kanyang pwesto at hinawakan ang kamay ko.

Nagpadala ako sa paggaya sa akin ni Kuya Michael patungo sa malaking hagdanan ng kanyang bahay. Nagtungo kami sa ikalawang palapag at hindi ko naiwasan ang mamangha nang bahagya. Maraming kwarto ang bahay niyang ito kahit pa nag-iisa lang siya rito.

“Doon ang kwarto nina Mommy at Daddy sa dulo. Sa tapat naman no’n, nandoon ang magkatabi nating kwarto. Guest rooms at study room naman ang ilan sa mga nandito. Iyon naman ang sarili n’yong kwarto ng pamilya mo tuwing dadalawin n’yo ako rito.” pagbibigay impormasyon sa akin nito habang nilalakaran namin ang may kahabaang pasilyo.

Hindi ko maiwasang makaramdam ng hiya dahil sa kanyang mga sinasabi. Ibinibigay niya sa akin ang mga impormasyong iyon dahil sa pag-aakalang ako si Weldy. Pero dahil inaalala ko ang kanyang pakiusap kanina, hinayaan ko na lamang siyang magsalita. Alam ko naman, darating din ang oras na masasabi ko ang bagay na lubha niyang ikagugulat. Ang kailangan ko lang hintayin ay patapusin ang mga nais niyang ipagtapat.

Nakarating kami sa tapat ng isang pintuan sa bandang dulo nitong pasilyo. Dito sa parte na itinuro niyang malapit sa kwarto nila ng kakambal ko.

Binitiwan na niya ang kamay ko, kasunod nito ay dahan-dahan niya rin binuksan ang pintuan ng kwartong nasa tapat naming pareho.

Hindi agad ako nakagalaw mula sa pinto. Tiningnan ko muna ang nilalaman ng silid mula sa aking pwesto.

Bumungad sa amin ang malaking espasyo ng kwarto na puno ng iba’t ibang laruang pambata. May mga manika, may ilang mga robot, at mga kotse-kotsehan na sapat lang para sakyan ng dalawang bata. Napakaganda ng loob dahil may malaki rin itong bintana. Sa labas ng bintanang iyon ay makikita na ang matayog at malagong puno mula sa labas. Ngunit ang nakaagaw ng aking atensyon ay ang malaki at puting piano na nasa tapat ng bintanang iyon.

“Ito ang playroom natin noong mga bata pa tayo. Dito tayo laging naglalaro kahit pa noong lumaki na tayo. Ikaw at ako lang. Masaya tayo kahit tayong dalawa lang.” pagbibigay na naman nito ng impormasyon sa akin.

Marahang pagtango lang ang aking naisagot sa kanya. Bagamat hindi ako si Weldy na kanyang tinutukoy, sinusubukan kong makisang-ayon sa mga ikinukuwento niya.

Matapos iyon ay iginaya naman niya akong makapasok sa loob. Hindi na rin niya ako hinayaan pang makapaglibot dahil dumiretso na rin kami sa pwesto kung nasaan ang malaking piano.

“Umupo tayo,” pagyaya niya sa akin nang marating namin ang mahabang upuan na nasa tapat ng piano. “Tulad dati, uupo ka lang sa tabi ko kapag sinusumpong ka ng hika mo. Paborito mong pakinggan ang pagtugtog ko tuwing may sakit ka. Ang sabi mo sa akin noon, madali kang gagaling basta’t tutugtog lang si Kuya, ’di ba?” sunod niya pang pagkukuwento sa nakaraan nila ni Weldy.

Nang mabanggit niya ang bagay na iyon tungkol kay Weldy ay hindi ko naiwasan ang muling makaramdam ng pagsisisi.

Bakit nga ba kinalimutan ko ang detalyeng may hika si Weldy? Bakit hindi ko naalala na iyon ang isang bagay na pinagkaiba namin? Kung naalala ko sana iyon, marahil ay hindi ako mapapaniwala ni Oliver. Sana ay nanatili akong naniniwala sa aking sarili na magkaiba kami ni Weldy.

Nasa ganoon ako kalalim na pag-iisip nang muling magsalita si Kuya Michael. May kinuha itong isang larawang nasa frame mula sa ibabaw ng piano. Hindi ko iyon napansin kanina dahil nakatuon ang atensyon ko sa mukha ni Kuya Michael.

“Ito ang huling picture natin na magkasama tayo rito sa playroom,” pagtukoy nito sa larawang nasa kamay niya. “Ito ang huling picture bago mo iniwan si Kuya dahil mag-aasawa ka na… Ito na rin ang huling araw na tumugtog tayo nang magkasama…” mas mahina ang boses na niyang dugtong.

Sinubukan kong silipin ang larawang hawak ni Kuya Michael. Naroon siya habang nasa tapat ng piano at napakalawak ng ngiti. Katabi naman niya si Weldy na nakahilig sa kanyang balikat. At tulad niya, maganda rin ang ngiting ipinapakita.

Sinubukan kong ibuka ang aking bibig para makapag-usisa, ngunit natigilan din ako nang may mga luhang pumatak doon mismo sa larawan.

Agad kong ibinalik ang aking tingin kay Kuya Michael at bahagya akong nasorpresa. Habang nakatitig kasi siya sa larawan ay ang sunod-sunod na pagdaloy ng kanyang mga luha.

“N-noong nawala ka, halos mabaliw rin ako… Sinisi ko si Oliver dahil pinabayaan niya ang nag-iisang kapatid ko… Iniisip ko noon, paano pa ako magpapatuloy kung nawala na ang nag-iisang miyembro ng pamilya ko..? Wala nang natira sa akin… Pakiramdam ko… P-pakiramdam ko noon, pinagdamutan ako ng Diyos… Kinuha Niya rin kasi ang natitirang dahilan para magpatuloy ako…” mahabang pagtatapat ni Kuya Michael sa pagitan ng kanyang pag-iyak.

Hindi ako nakapagsalita dahil sa pagkabigla. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita kong ganito siya kahina.

“Alam kong hinding-hindi mo maaalala ang nakaraan nating dalawa, pero alam ko at lagi ko noon sinasabi sa ’yo, kahit hindi tayo tunay na magkapatid, itinuturing kitang pamilya… Handa kitang protektahan dahil nag-iisa mo lang akong Kuya… Lagi tayong magkakampi na dalawa… Sabik kasi ako sa kapatid, eh… At sinuwerte ako dahil ikaw ang napunta sa akin…” pagpapatuloy niya sa kanyang paglalahad.

Nanatili akong walang imik at hinayaan ko lang siyang magsalita.

“Masaya at maayos ang lahat sa ating dalawa… Pero, nagbago rin ang lahat noong nakilala na natin si Oliver…” pagpapatuloy pa nito.

Napalunok ako dahil bigla akong nakaramdam ng kaba. Base sa huling sinabi ni Kuya Michael, mayroon ditong isang napakahalagang kuwento.

“A-anong… Anong ibig mong sabihin na may nagbago simula nang dumating si Oliver..?” hindi ko napigilang pag-uusisa rito.

Dahan-dahang kumilos si Kiya Michael para ibalik ang larawan sa ibabaw ng piano. Isang malalim na buntong-hininga rin ang kanyang pinakawalan bago nagawang sagutin ang tanong ko.

“Kami ng Daddy ko na si Juan Miguel Chua, kami na lang noon ang magkasama dahil iniwan na rin kami ng tunay kong ina. Masaya naman ako kahit dalawa na lang kami, pero sa paglipas ng mga taon, nakikita kong may kulang kay Daddy. Hindi naman siya sa akin nagkulang kahit pa nag-iisa lang siyang nagtataguyod sa akin. Masaya kami, pero sa mura kong edad, nakita kong may mga bagay akong hindi maibigay sa kanya bilang anak. Masyado siyang busy sa pagpapalago ng ospital at ilang negosyo namin, pero hindi ko pa siya nakitang naging napakasaya.” panimulang paglalahad ni Kuya Michael habang nakatingin sa larawan nila ni Weldy.

Ngayon ko lang narinig ang mga detalyeng iyon mula sa kanya. Sa mahigit isang taon na pananatili ko sa bahay ni Oliver, hindi ako nabigyan ng pagkakataon na alamin ang mga bagay na iyon.

“Isang araw, habang naghahapunan kami ni Daddy, naikuwento niya sa akin na may naging pasiyente raw siyang bata. May hika raw ang batang iyon. May nanay raw ang bata na nagngangalang Louisa Quirino. Teacher daw si Ms. Quirino at dalawa lang daw sila ng anak niya ang namumuhay nang magkasama. Nalaman din ni Daddy na walang kakayahan na magkaanak si Ms. Quirino dahil may problema ito sa kanyang katawan bilang babae. Kaya naman para hindi siya makaramdam ng pagiging miserable, nag-ampon siya ng bata na nagngangalang Weldimar.” pagpapatuloy pa ni Kuya Michael.

Nang marinig ko ang pangalang Louisa Quirino ay naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng aking puso.

Ang pangalang iyon, siya ang taong dapat na hahanapin ko rito sa Maynila para masagot ang mga katanungan ko noon. Iyon ang pangalang nakasulat sa maliit kong notebook dahil siya ang susi sa aking nakaraan.

Lalo na akong hindi nakapagsalita dahil sa pagkabigla. Hindi ko akalaing sa pakikipagkita kong ito kay Kuya Michael ay masasagot ang ilang mga katanungan ko.

“Habang lumilipas ang mga araw na kasama ko si Daddy, hindi niya rin nakakaligtaang magkuwento sa akin tungkol kay Louisa at sa anak nito. At sa bawat araw na nagkukuwento siya sa akin tungkol sa kanila, iyon din ang mga araw na nakita ko ang ngiti na gusto kong makita kay Daddy. Doon ko siya nakitang lubos na masaya. Kaya noong huling gabi na nagkuwento siya tungkol sa kanila, sinabi ko kay Daddy na gusto ko rin silang makilala.” pagdedetalye pa ni Kuya Michael.

“Doon na rin nagsimula ang lahat. Nakilala ko si Louisa at ang sanggol na si Weldy noong dinala ako ni Daddy sa ospital namin. Naging malapit ako sa sanggol dahil natutuwa ito sa aking presensiya kahit pa nanghihina siya dahil sa sakit na hika. Iyon na rin ang simula ng pag-iibigan nina Daddy at Louisa. Hindi rin nagtagal, naging isa kaming pamilya. Naging Mommy ko si Louisa at naging bunsong kapatid ko ang cute na si Weldy.”

Ngayon ay malinaw na sa akin kung paano sila naging magkapatid sina Kuya Michael at Weldy. Noong inampom si Weldy, ako na lamang ang natira sa bahay-ampunan. Malinaw rin sa akin na simula nang ampunin nila si Weldy, naputol na rin ang aming koneksyon bilang magkapatid dahil nakahanap na siya ng bagong pamilya. Naiwan akong mag-isa at nangungulila.

Napayuko na lamang ako dahil muli akong nakaramdam ng awa sa aking sarili. Hindi ko maiwasang mainggit kay Weldy dahil maaga niyang natagpuan ang bagay na matagal ko nang hinihiling.

“Masaya kaming pamilya kahit pa noong malaman ni Weldy na ampon lang siya. Tanggap niya iyon at nagpasalamat pa sa aming lahat dahil natanggap namin siya.”

“Masaya na sana ang lahat, pero nagkaroon ng hindi inaasahang trahedya. Sabay na naaksidente sa kotse ang magulang namin ni Weldy. College students na kami noong mangyari iyon. Naunang binawian ng buhay si Daddy at kritikal naman si Mommy. Sinubukang lumaban ni Mommy pero hindi na niya kinaya. At bago siya tuluyang magpaalam, sinabi niya ang isang lihim na sila lang ni Daddy ang nakakaalam.” muling pagbubukas ng panibagong paksa ni Kuya.

Isang paglunok muna ang aking ginawa bago nakapagsalita.

“A-anong lihim ’yon..?” tanong kong nauutal kay Kuya Michael.

Napangiti ito nang tipid saka sumagot.

“Na may natitira pang kamag-anak si Weldy…” sagot niya at saglit na tumigil. “Na inampon niya raw ito sa isang bahay-ampunan sa probinsiyang kanyang pinanggalingan. Na mayroon daw itong kakambal na doon ay naiwan. Dalaga raw siya noong kinuha niya si Weldy. Naawa raw siya rito dahil may sakit nga itong hika.” pagsagot ni Kuya Michael sa katanungan ko.

Kung ganoon, huli na rin pala noong nalaman ni Weldy na may kakambal siya at walang iba ’yon kundi ako. Ngayon ko naiisip na kaya pala kahit minsan ay walang dumalaw sa akin noon sa bahay-ampunan. Itinago rin pala ito sa kanya ng kinalakihan niyang mga magulang.

“Matapos kaming iwan nina Mommy at Daddy, nagsimula na rin kami ni Weldy sa paghahanap ng kakambal niya. Nagpatuloy kami sa pag-aaral na dalawa habang ginagawa ang bagay na iyon. Balik normal ang lahat at sabay kaming bumangon. Ako ang nag-alaga kay Weldy. Sinikap kong pagsabayin ang pag-aaral, pagpapatakbo ng negosyo sa murang edad, at pag-aasikaso sa nag-iisang kapatid ko. Pero habang nagtatagal na magkasama kami, may isang bagay akong nadiskubre sa aking sarili.” muli na namang pagkukuwento nito.

Sa pagkakataong ito ay hindi na ako hinayaan pang makapagtanong ni Kuya Michael. Nakita ko kung paano niya pinunasan ang panibagong luha mula sa kanyang mga mata gamit ang kamay para muling nagsalita.

“Nalaman ko sa aking sarili na hindi lang basta kapatid ang turing ko kay Weldy. Nadiskubre kong simula pa pagkabata, mahal ko na siya at siya na ang gustong makasama habang-buhay. Gusto kong ako lang ang mag-aalaga sa kanya at walang puwedeng umangkin sa kanya.” wika nito at napangiti nang mapait.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa aking nalaman. Hindi ko magawang makapagbigay ng reaksyon dahil sa pagkabigla.

Unti-unti ay nilingon ko ang larawan nila ni Weldy na nasa ibabaw ng piano. At nang tuluyan ko itong mapagmasdan ay ngayon ko lang napansin na hindi sinsero ang ngiti roon ni Kuya Michael. Ang mapait na ngiti na nakikita ko ngayon sa kanya ay kapareho ng nasa larawan. Ang huling larawan na magkasama sila dahil ikakasal na ang kakambal kong si Weldy kay Oliver.

Narinig ko ang muling pagbuntong-hininga ni Kuya Michael kaya muli kong ibinalik sa kanya ang aking atensyon.

“Ipinagtapat ko iyon kay Weldy dahil kahit minsan, wala akong inilihim sa kanya. Pero sa halip na tanggapin niya ako, tumanggi siya. Ayaw niya raw kasing masira ang relasyon namin bilang magkapatid. Sobrang sakit no’n, pero nagawa ko rin tanggapin dahil ’yon ang kagustuhan niya. Handa ko kasing tanggapin anoman ang maging desisyon niya dahil mahal ko siya. Akala ko hanggang doon na lang, pero mas masakit pa pala ang mga susunod na mangyayari.” panibagong pagtatapat ni Kuya Michael.

Naghintay na lamang ako sa kanyang pagpapatuloy dahil gusto kong marinig ang lahat. Isa pa, sa tingin ko ay kailangan niya ngayon ng makakausap. Tila ba ngayon niya lang inilalabas ang hapdi ng kanyang nakaraan.

“Para saglit na makalimot, sinubukan kong palawakin ang mundo ko. Naghanap ako ng mga bagong kaibigan dahil si Weldy na ang naging mundo ko. Naisip ko kasi na sa paraang iyon, baka makalimutan ko ang nararamdaman ko para sa kanya. Pero mali pala ako. Dahil sa naging desisyon kong ’yon, nagbigay pa pala ako ng panibagong pintuan para mas lalong lumayo ang agwat namin ng kapatid ko. Milya-milyang layo hanggang sa hindi ko na siya mahabol.” mahaba niyang pagpapatuloy.

“B-bakit..?” tanong ko na namang nauutal.

Nasaksihan ko na sinubukan niya muling ngumiti.

“Naging matalik na kaibigan ko kasi si Oliver dahil classmate ko siya noon. Ako ang naging daan para magkakilala sila ng kapatid ko. Naging malapit sila hanggang sa mahulog ang loob nila sa isa’t isa. Simula rin noon, bukod sa lagi na silang magkasama, si Oliver na rin ang pumalit sa posisyon ko para alagaan ang nag-iisang kapatid ko. Sa madaling salita, naiwan akong mag-isa,” sagot nito at ngumiti nang mapait. “Pero ayos na rin ’yon. Natanggap ko na rin sa paglipas ng mga taon. Isa pa, nandiyan na ang mga pamangkin ko na mas priority ko.” dugtong pa nitong pagbawi.

Nakaramdam ako ng panghihina dahil sa mga narinig ko mula kay Kuya. Sa mahigit isang taon ko siyang nakasama, akala ko ay puro laro at saya lang ang mayroon siya. Hindi ko inakalang may mga pinagdaanan din pala siya. Lagi kasi nitong suot ang magandang ngiti lalo na tuwing kasama niya ang mga bata.

“Hindi talaga patas ang mundo, ’no..?” bigla nitong pagtatanong sa akin na ikinasorpresa ko. Nilingon na rin niya ako habang suot ang malungkot na ngiti nito.

Naikagat ko ang aking ibabang labi dahil sa katanungan niyang iyon. Gustuhin ko mang sumagot para sumang-ayon, hindi ko magawa sa ngayon. Gusto ko sanang palakasin ang loob ni Kuya Michael, pero paano ko gagawin iyon kung pareho kami ng nararamdaman ngayon?

“May mga bagay tayong hinihiling, pero hindi sa atin maibigay… Simpleng kahilingan lang pero walang taong dumarating para tumupad…” tila ba siya rin nitong pagsang-ayon sa kanyang tanong.

Tama naman si Kuya Michael. Bakit may mga taong tulad namin ang hindi mapagbigyan? Isa lang naman ang gusto namin — ang makaramdam ng saya kahit minsan lang. Pero bakit kailangang paulit-ulit kaming masaktan? Hindi ba karadapat-dapat ang mga tulad namin? Sumobra ba kami sa pagiging makasalanan kaya kami pinarurusahan?

Paulit-ulit kong tinatanong ang mga bagay na iyon sa aking sarili. Dahil doon ay nagkaroon ng katahimikan sa pagitan namin. Ilang minuto rin siguro iyon hanggang sa maramdaman kong ipinatong ni Kuya Michael ang kanyang palad sa aking ulo. Kasunod nito ay kinusot niya nang bahagya ang aking buhok.

Inangat ko ang aking mukha para muling tingnan siya. Ang inaasahan ko ay sasalubungin na naman ako ng mapait ngiti niya, pero nasorpresa ako dahil mas naging sunod-sunod pa ang kanyang pagluha.

“I’m sorry… S-sorry… Sana mapatawad mo ang Kuya sa kasalanan niya… I’m really sorry…” paulit-ulit niyang sambit sa pagitan ng kanyang pag-iyak.

Agad naman akong nagtaka sa mga binitiwan niyang salita. Iniisip kong baka may mga bagay pa siyang hindi nasasabi tungkol kay Weldy kaya siya nagkakaganito. Sinubukan kong makapagtanong, ngunit bago pa ako makapagsalita ay naunahan na ako nito.

“A-alam ko ang lahat… Alam ko, France… Alam kong hindi ikaw ang kapatid ko… Alam kong hindi ikaw si Weldy simula pa noong unang magkita tayo… Alam ko rin ang lahat dahil sumang-ayon ako kay Oliver sa ginawa niyang plano… I’m sorry… Sorry kung pati ako, itinago ang bagay na ’yon sa ’yo… I’m really sorry…”

Nang marinig ko ang mga katagang iyon mula kay Kuya Michael ay tila ba tumigil ang mundo ko.

“A-ano..?” iyon na lamang ang salitang lumabas sa bibig ko. Kasunod din nito ay mabilis na naipon ang aking mga luha hanggang sa dumaloy ang mga ito.

Tumango nang marahan si Kuya Michael bilang pagkumpirma.

Unti-unting nagproseso sa aking isip ang mga naging kaganapan. Ngayon ko lang napag-isip-isip ang kanina niyang mga inilahad. Ngayon ko lang napansin na habang idinedetalye niya kanina ang mga bagay tungkol kay Weldy, hindi na ako ang binabanggit niya. Ang kakambal ko na ang kanyang tinutukoy dahil simula’t sapul ay alam na niya.

Dahil sa reyalisasyon ay nawala ang kaninang awa at pakikisimpatya ko sa kanya. Napalitan ito ng labis na galit dahil hindi lang pala iisang tao ang nanloko sa akin. Pareho sila ni Oliver. Pinagkaisahan nila akong paglaruan.

Habang naglalandas ang aking mga luha ay naikuyom ko ang aking mga kamao. Naging matalim din ang tingin ko kay Kuya Michael dahil sa nagliliyab kong emosyon.

Napapagod na ako. Bakit ba naging sunod-sunod ang pangyayaring ito? Ilang tao pa ba ang patuloy sa akin na manloloko?

Naghahanda na sana ako tumakbo palabas ng kwartong ito, pero bago pa ako makagalaw ay mahigpit akong nahawakan ni Kuya Michael sa braso.

Dahil sa hindi ako makagalaw ay ginamit ko na lamang ang aking lakas para sigawan ito.

“Bakit kayo ganyan?! Bakit kailangan n’yo akong pagkaisahan?! Akala ko mapagkakatiwalaan ka! Pero katulad ka rin pala niya! Napakasama n’yong dalawa!” panunumbat ko kay Kuya Michael.

Tila ba hindi na siya nasorpresa sa ginawa kong pagsigaw sa kanya. Napayuko na lamang siya at nagpatuloy sa kanyang pag-iyak.

“I’m really sorry… Alam kong nagkamali ako…” muli nitong paghingi ng tawad at inangat na ang kanyang ulo para tingnan ako. “Maniwala ka… I tried to stop Oliver, pero napako na rin kami sa sitwasyon… Ilang beses na rin kaming nagtalo dahil gusto ko nang ipagtapat sa ’yo ang totoo… Minsan mo na rin kaming inabutan na nag-aaway sa ospital dahil din sa bagay na ’yon… Pero nakiusap siya sa akin na bigyan pa siya ng panahon…” sunod pa nitong pagtatapat.

Nagbalik sa aking isip ang senaryong iyon noong pinuntahan ko si Oliver sa ospital. Kung ganoon, kasinungalingan pala ang sinabi nila noon tungkol sa kanilang pasiyente. Ako pala ang pinagtatalunan nila noong mga oras na iyon.

Muli akong nakaramdam ng panghihina. Akala ko ay makakahinga na ako nang maluwag sa oras na makausap ko ang kinikilala kong Kuya, pero mali pala ako. Dahil sa mga nalaman ko ay lalo lang naging doble ang bigat ng nararamdaman ko.

“A-akala ko ba… Akala ko ba, mahal mo si Weldy..? Bakit mo nagawa ’yon..? Hindi mo ba naisip na nasaktan mo rin siya..? Napakasama n’yo ni Oliver… Pinaglaruan n’yo kaming magkapatid…” nanghihina ko nang panunumbat sa kanya.

Umiling si Kuya Michael na tila hindi sumasang-ayon sa aking mga sinabi.

“Nakikiusap ako sa ’yo, France… ’Wag mo naman isisi sa amin ang lahat… Pare-pareho tayong naging biktima… Lahat tayo rito nangungulila… Hindi lang ikaw, France… Lahat tayo rito, may pinagdaanang hirap… At kung sa tingin mo, kami lang ang nagkamali, sana, isipin mong mayroon ka ring pagkukulang… Kaya pakiusap, ’wag mo sa amin isisi ang lahat dahil hindi lang ikaw ang nasasaktan…” pakiusap pa nito na may bahid ng panunumbat.

“Kasalanan..? Anong naging kasalanan ko sa inyo..? Niloko n’yo akong lahat… Pinaniwala sa mahigit isang taon n’yong pagpapanggap… Sa tingin n’yo, sino rito ang nabiktima..? Kayo ba..?” sunod-sunod kong tanong sa kanya.

Pinahid ni Kuya Michael ang mga luha niya gamit ang kanyang braso, kasunod nito ay huminga siya nang malalim at napayuko.

“Ayaw kong sabihin ang bagay na ’to sa ’yo, France… Pero nakakalimutan mo ba noong magising ka..? May kakayahan ka na ipagtapat ang lahat… Kaya mong idiin kay Oliver na hindi ikaw si Weldy… Marami kang pagkakataon na maipagtapat ’yon sa paglipas ng mga araw, pero pinili mo rin ang manahimik at magpatuloy sa pagpapanggap…” malungkot na panunumbat sa akin ni Kuya Michael.

Dahil sa aking narinig mula sa kanya ay natigilan ako. Nagbalik sa aking isip ang mga pangyayari noon. At hindi ko man gustuhin ay nakukuha ko ang kanyang pinupunto.

Ayaw kong umamin, ngunit sa likod ng aking isip at puso ay tama ang mga sinabi nito. May pagkakamali nga ako. Hinayaan ko ang aking sarili na magpadala sa agos. Nagpatuloy ako sa pagpapanggap dahil naging masaya ako sa piling ng mga ito.

Kung ganoon, hindi lang pala sila ang nakagawa ng panloloko. Maging ako ay naging mapagkunwari sa loob ng mahigit isang taon na pamumuhay ko. At kung nagkaroon sila ng kasalanan sa aking kakambal, ganoon din ako. Malaki rin ang naging kasalanan ko.

Napayuko na lamang ako dahil sa pagsisisi. Hindi ko na magawang sumbatan pa si Kuya Michael dahil alam kong mas malaki pa ang aking pagkakamali.

Napuno ng mga impit na pag-iyak ang buong kwarto. Pareho kami ang hindi na nagawang makapagsalita matapos iyon.

Ilang sandali pa ang lumipas hanggang sa muli kong marinig ang pagbuntong-hininga nito.

“K-kung matatandaan mo, hindi naging maganda ang una nating pagkikita dahil nagalit ako sa ’yo… Nagpanggap ka kasing magulang ng mga pamangkin ko… Nagkunwari kang kapatid ko na nagkaroon lang ng amnesia… Natatakot din ako noon sa kaligtasan ng mga bata dahil hindi pa kita kilala… Sinadya kong bigyan ka ng palaisipan sa mga salitang binitiwan ko noon at sa mga ipinapakita ko sa harap mo… Ginawa ko iyon dahil gusto kong umamin ka na… Pero sa halip na gawin mo ’yon, nagpatuloy ka…” muling panunumbat sa akin ni Kuya Michael.

Nabaliktad na ang sitwasyon ngayon. Kung noong una ay ako ang may lakas ng loob na manumbat, siya na ang gumagawa nito ngayon.

Lalo na akong hindi nakapagsalita dahil sa hiya. Nahihiya ako sa kanya dahil isa rin ako sa mga nagpanggap.

“Nagbago na lang ang lahat ng pakikitungo ko sa ’yo sa paglipas ng mga buwan… Noong natagpuan na namin ang bangkay ni Weldy, ayaw pa sana namin paniwalaan ’yon… Hindi na siya makilala dahil sa matagal na pagkakababad ng katawan niya sa tubig… Pero kinumpirma iyon ng suot niyang singsing na ginamit nila sa kasal ni Oliver… Doon ko na unti-unting kinumbinsi ang sarili kong wala na talaga siya..”

“Unti-unti, tuluyan na rin kitang natanggap dahil nakita ko kung gaano mo kamahal ang mga pamangkin ko… Sila na kasi ang pinakamahalaga sa akin, e… Doon ko na rin tuluyang natanggap na wala na talaga si Weldy… Hindi na namin siya maibabalik kahit pa magalit ako…” muling pagtatapat ni Kuya Michael.

Dahan-dahan kong naiangat ang aking mukha para tingnan siya nang tuwid. At nang magtagpo ang aming mga mata ay sinikap niyang ngumiti sa kabila ng kanyang paghikbi.

“Maniwala ka, France… Hindi lahat ng nangyari sa loob ng mahigit isang taon na kasama ka namin, puro pagkukunwari lang… Lahat ng mabubuting bagay na ipinakita namin sa ’yo, totoo ang lahat ng iyon… Tinanggap ka namin bilang France… Tinanggap ka namin bilang bagong miyembro ng pamilya… Higit sa lahat, tinanggap na rin kita bilang kapatid na handa kong protektahan sa abot ng aking makakaya…”

Nalilito na ako. Hindi ko na alam kung dapat pa ba akong maniwala sa sinasabi niyang ito. Nakikita ko ang senseridad sa kanyang mga mata, pero dahil sa mga naganap ay hindi ko maiwasan ang magduda.

“Nakikiusap ako, France… Bumalik ka… Bumalik ka sa pamilyang tumanggap sa ’yo… Alam ko naman na masaya ka kasama sila… Alam kong mahalaga na rin sila sa ’yo lalo na ang mga bata… Kung kinakailangan naming lumuhod ni Oliver sa harap mo para lang mapatawad mo kami, gagawin namin ’yon… Pero sana, bumalik ka na sa kanila…” pakiusap na nito ngayon.

Napailing ako nang marinig ko ang mga bagay na iyon. Pinaparating ko kay Kuya Michael na hindi ako kumbinsido sa mga sinabi nito.

“France…” tila ba nawawalang pag-asang sambit nito sa aking pangalan.

“H-hindi kasi gano’n kadali ang sinasabi mo… Paano pa ako babalik sa bahay ng taong nagtago sa akin ng malaking sikreto..? Paano ko pa babalikan si Oliver kung alam ko sa sarili kong siya ang asawa ng kakambal ko..? Pakiramdam ko… Pakiramdam ko, lalo lang madadagdagan ang mga kasalanan naming pareho… Isa pa, hindi malayong isipin niya na ako pa rin si Weldy… Mahal niya ang kakambal ko at napakaimposibleng makalimutan niya agad ang lahat ng tungkol sa kanila dahil lang sa presensiya ko…” pagtatapat ko rito.

Sa pagkakataong ito ay siya naman ang napailing nang marahan.

“Mali ka… Mali ka, France…” pagkontra nito sa sinabi ko. “Maniwala ka, mahal ka ni Oliver… Sa mga panahon na nakasama ka niya, unti-unti na rin siyang nahulog sa ’yo… Noong panahon na muntik ka nang mawala sa kanya, doon niya rin na-realize na mas mahalaga ka… Mas doble ang takot niya kung ikukumpara noong nawala si Weldy sa buhay niya… Iyon din ang dahilan kung bakit itinago niya ang lahat… Natatakot kasi siyang mangyari ang bagay na ’to… Natatakot siyang iwan mo siya tulad nito…” mahaba pa nitong pagpapaintindi sa akin.

Lalo na akong naguluhan dahil sa mga pagtatapat na ito ni Kuya Michael. Hindi ko rin maiwasang alalahanin ang mga pinagdaanan namin ni Oliver. Ang mga masasayang alaala na kasama ko siya na sa isang iglap lang ay nawala.

Muli akong naiwan na walang imik. Patuloy sa paghikbi dahil sa naguguluhang puso at isip. Dahil dito ay nagpatuloy pa si Kuya Michael sa pagkumbinsi sa akin.

“Hindi kita masisisi, France, kung naguguluhan ka… Pero sana, isipin mo ang mga magagandang bagay na nagawa sa ’yo ng pamilya niya… Isipin mo rin sanang hindi mo mararanasan ang mga bagay na makakapagpasaya sa ’yo kung hindi ka nailigtas noon ni Oliver sa lumubog na barko…” wika nito na naging dahilan para tingnan kong muli ito. Naging palaisipan din sa akin ang huling sinabi nito.

“A-anong ibig mong sabihin..?” tanong kong naguguluhan.

Muli siyang ngumiti nang mapait bago ako nagawang sagutin.

“Si Oliver… Siya ang nagbigay ng panibagong buhay sa ’yo, France… Nandoon kaming pareho noong magkaroon ng rescue operation para sa mga sakay ng lumubog na barko… Hindi man kami kasama sa mga doktor na dapat na naroroon, tumulong kami dahil hinahanap din namin si Weldy no’n…” muli nitong pagbubunyag.

Hindi na ako nagsalita pa. Naghintay na lamang ako sa mga panibagong paglalahad niya.

“Dahil sa pag-aakalang ikaw si Weldy, ginawa niya ang lahat para lang mabigyan ka ng panibagong pagkakataon na mabuhay… Nagligtas siya ng maling tao at walang iba ’yon kundi ikaw, France… Kasalukuyan niyang inilalaban ang buhay mo habang wala siyang kaalam-alam na ang tunay na Weldy ay unti-unti nang nilalamon ng dagat… Hindi niya nagawang unahing mailigtas si Weldy dahil ikaw ang isinasalba niya…”

Akala ko ay narinig ko na ang lahat, pero sa mga panibagong paglalahad na ito ni Kuya Michael ay muli akong lumuha.

“Noong mapag-isip-isip niyang hindi ikaw si Weldy, doon na siya halos mamatay… Walang tigil siyang naghahanap sa mga taong nakaligtas… Pero dahil sa isa siyang doktor, kinailangan din niyang tumulong sa pagliligtas ng iba pang mga biktima…”

Tila ba nanariwa kay Kuya Michael ang nakaraan dahil nakita ko ang pagdurusa sa kanyang mga mata.

“Hindi naging madali kay Oliver ang lahat noong mga oras na iyon… Sa bawat taong inililigtas niya, walang tigil ang pag-iyak niya dahil iniisip niya si Weldy… He was so weak that time… Walang tigil siyang umiiyak habang nagliligtas ng buhay ng iba dahil iyon ang tungkulin niya… Inuna niya ang kapakanan ninyong lahat kesa sa sariling asawa niya… Pero hanggang sa matapos ang panggagamot naming mga doktor sa mga pasiyenteng nakaligtas, walang Weldy na nagpakita sa kanya… Iyon na rin ang oras na halos mabaliw siya…”

Sa mga huling bahagi ng sinabi ni Kuya Michael ay tuluyan na akong nilamon ng aking konsensiya. Naglalaro sa aking isip ang senaryo kung paano noon naghihirap si Oliver. Hindi ko rin maiwasang sisihin ang aking sarili dahil sa kanyang pagkakamali. Dahil sa iisa ang mukha namin ni Weldy, ako ang kanyang iniligtas at hindi ang tao na kanyang nais.

Pakiramdam ko ay malaki ang pananagutan ko sa bagay na iyon. Pakiramdam ko ay may karapatan si Oliver na sisihin at sumbatan ako. Pero paglipas ng mahigit isang taon na nakasama ko ito, hindi niya kailanman pinakita o pinaramdam sa akin na may pagkakamali ako. Naging napakabuti niya sa akin sa kabila ng mga iyon.

Sa dami ng aking reyalisasyon ay nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob. Patuloy ako sa paghikbi nang tingnan ko si Kuya Michael nang diretso.

“S-sorry… Sorry kung isang problema lang pala ang hatid ng pagpunta ko rito… Hindi ko sinasadya…” paghingi ko na ng tawad sa kanila. Ako na rin ang gumagawa na bagay na ito dahil sa tingin ko ay ako ang puno’t dulo ng lahat.

Hindi sila ang may kasalanan kundi ako at ang presensiya ko. Kung hindi lang siguro dahil sa akin, baka kasama pa nila si Weldy ngayon. Kung hindi lang siguro ako naghangad na magkaroon ng panibagong pamilya, wala sigurong gulo. Kung nakuntento lang sana ako sa bahay-ampunan noon, marahil ay walang problemang tulad nito. Ako ang dapat sisihin dahil naging mapaghangad ako. Dapat ay naging masaya na lang ako sa kung ano ang mayroon ako.

Patuloy lang ang aking pag-iyak habang humihingi ng kapatawaran kay Kuya Michael. Ilang sandali pa ay muli nitong inangat ang kanyang kamay upang ipatong sa aking ulo.

“Wala kang kasalanan… Dapat nga ay magpasalamat pa kami dahil dumating ka sa amin… Binuhay mo ang mundo namin… Ikaw ang naging susi para muling mabuo ang pamilya namin… At kahit nasaan man ngayon si Weldy, alam kong masayang-masaya siya habang pinapanood tayo… Kilala ko siya… Wala siyang ibang hangad kundi ang maging masaya ang mga taong mahalaga sa kanya… Sigurado rin akong matatahimik na rin siya dahil nasa maayos na kalagayan ang kakambal niya…” nakangiti nitong pagsasalita habang hinahaplos ang aking ulo.

Wala akong magawa sa mga oras na ito kundi ang lumuha dahil sa nag-uumapaw kong emosyon. Mabigat pa rin ang aking kalooban ngunit batid kong may nagbago. Dahil sa maraming bagay na aking natuklasan, nangingibabaw na ngayon ang pagsisisi ko. Nabawasan na ang aking galit mula sa mapait na kinahitnatnan ko.

Hinayaan ako ni Kuya Michael na magpatuloy. Sinusubukan niya akong pakalmahin sa pamamagitan ng paghaplos at paghawi ng buhok ko. Ilang minuto rin iyon hanggang sa muli niyang punasan ang aking mga luha gamit ang palad nito.

“Tahan na… Magagalit sa akin ang kakambal mo kapag nakita niyang pinapaiyak kita… Baka umiyak din ’yon? Pareho pa naman kayong pangit tuwing umiiyak…” pakiusap nito na hinaluan pa ng pagbibiro.

Aaminin ko, bahagya nang gumaan ang pakiramdam ko. Nagawa ko na rin kasing simangutan ang lalaking natatawa na ngayong mga oras na ito.

“Akala mo naman, ang gwapo mo umiyak… Mas pangit ka pa nga sa akin… Ang laki-laki mong tao pero ang lakas mo umiyak…” buska ko pabalik dito. Sumisinok na rin ako dahil sa haba ng naging pag-iyak ko.

Natawa siya sa naging sagot ko. Nakikita ko rin sa kanya na tulad ko ay gumaan na rin ang pakiramdam nito.

Sa kabila ng mga luha naming dalawa ay pareho na kaming natawa. Pinagtatawanan namin ang isa’t isa dahil sa aming mga hitsura.

Makalipas pa ang ilang sandali ay nagbitiw si Kuya Michael ng malalim na paghinga.

“France, maiintindihan ko kung hindi mo pa magagawang ibalik sa dati ang samahan n’yo ni Oliver. Pero sana, tulad ko, bigyan mo rin siya ng pagkakataong magpaliwanag. Isa pa, kung desidido ka na talagang iwan siya, hayaan mo namang makapagpaalam sa ’yo nang maayos ang mga bata. Sana, isipin mo rin sila kahit pa mahihirapan silang tanggapin ang lahat. Iyon lang ang pakiusap ko sa ’yo. Gawin mo iyon hindi para sa amin ni Oliver. Gawin mo iyon para sa mga batang napamahal na rin sa ’yo.” mahabang pakiusap nito.

Nakaramdam ako ng hiya sa mga sinabi niyang iyon. Mabilis akong nakapagdesisyon na iwan sila, pero hindi ko inisip ang mararamdaman nina Kryz at Marl na walang kamalay-malay sa mga naganap.

Tanging marahang pagtango lang ang aking naisagot. Iniisip kong kailangan nga siguro naming mag-usap ni Oliver. Masakit man, pero dapat ay itama na namin ang aming mga naging pagkakamali sa nakaraan. Hindi man kami makabalik sa dati, mas makabubuti na rin ang magtapos kami nang walang namamagitang hidwaan.

“Kung makausap mo na si Oliver, France, ano na ang magiging plano mo?” tanong sa akin ni Kuya Michael sa malungkot niyang tono.

Natigilan ako sa katanungan niyang iyon. Iyon ang bagay na nawala sa isip ko dahil sa mga naging tagpo.

Matagal ang naging pananahimik ko dahil naging abala ako sa pag-iisip. Ilang minuto rin iyon hanggang sa may isang desisyon akong nabuo sa aking isip.

Ngumiti muna ako nang mapait kay Kuya Michael. Nagbitiw pa ako ng isang malalim na buntong-hininga dahil muling nanikip ang aking dibdib.

“Kuya, gusto kong magpasalamat sa lahat ng naging tulong n’yo…”

“Salamat sa mahigit isang taon na pinaramdam n’yo sa akin ang saya…”

“Salamat sa pagpaparamdam na nagkaroon ako ng pamilya kahit sa sandaling panahon lang…”

“Nakapagdesisyon na ako…”

“Babalik na lang ako kina Sister Martina…”

“Babalik ako sa lugar kung saan ako nagmula…”

“Doon sa lugar kung saan ako nararapat…”

Matapos kong sabihin kay Kuya Michael ang aking naging desisyon ay ang muling pagpatak ng mga luha ko. Luha na sanhi ng kalungkutan at matinding pagkabigo.


A/N

Salamat po sa mga naghintay ng update. ❤

Promote ko na rin ito; Baka nais n’yong basahin ang isang kuwento na nagawa ko. Ang title no’n ay

‘Duyan’

na makikita rin ninyo sa profile ko. Completed na rin iyon. Maraming salamat po sa mga nakapagbasa na no’n. ❤

Para nga po pala kay

AmityMarion

ang chapter na ito. Salamat sa pagbabasa ng aking mga akda. ❤

’Til next update po! Sana ay nasagot ng chapter na ito ang inyong mga katanungan. Kung may mga katanungan pa kayo, feel free to comment and ask. Baka kasi may mga nakaligtaan ako.

Salamat po ulit! Mahal ko kayo!

–– cold_deee ❤

08.20.2018

Chapter 24

A/N: Puwede n’yo po i-play ang song na nasa media while reading the whole chapter.

(Song title: You Are The Reason - By: Calum Scott)

  ![](https://img.wattpad.com/24bd155230138931e5e47daabc71ab39f7e7c8a7/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f50383572624177476d7468716d413d3d2d3439323834323232382e313534656138386561393135636133393433363039383333343231352e6a7067)

FRANCE POV

“Sigurado ka na ba sa desisyon mo, France?” tanong sa akin ni Kuya Michael.

Inabot na kami ng gabi dahil sa mga naganap. Sa dami ng mga pangyayari, kahit ang salitang gutom ay hindi ko ngayon maramdaman.

Tuluyan na akong nilamon ng sari-saring emosyon. Nalulunod pa rin ako sa lungkot at pangungulila dahil sa aking nabuong desisyon.

Naririto kami ni Kuya Michael sa loob ng kotse at kasalukuyang binabaybay ang bahay nina Oliver. Abala si Kuya sa pagmamaneho habang ako naman ay nakatitig lamang sa kawalan.

Huminga ako nang malalim bago sagutin si Kuya Michael.

“Oo, Kuya. Ito na na rin oras para itama ang lahat. Siguro naman, sa nangyaring ito, matatahimik na tayong tatlo. Wala na tayong tinatago sa isa’t isa. Wala na rin dahilan para ipagpatuloy ang mali nating naging simula.” malungkot kong sagot dito.

Sa tingin ko ay tama lang naman ang aking naging pasya. Nagsimula kaming lahat sa mali, kaya hindi na dapat kami magtaka kung magtapos din kami sa mapait.

Sa sandaling panahon na nakasama ko sila, dapat ko na lamang iyon ipagpasalamat. Naisip kong wala akong dapat na pagsisihan, dahil sa loob ng mahigit isang taon, naranasan ko ang sayang pinangarap ko kahit panandalian lamang.

“Hindi na ba talaga kita makukumbinsi? Sigurado ka na bang handa mo nang iwan ang mga bata?” sunod pang tanong ni Kuya Michael at saglit akong nilingon.

Nang masabi niya ang bagay na iyon ay natahimik ako.

Handa na nga ba ako? Kaya ko na bang iwan sina Kryz at Marl? Naging malapit na sa akin ang dalawang bata. Naging napakasakit din sa akin na malamang hindi ko pala sila tunay na anak.

“H-hindi ko alam, Kuya… Hindi ko alam…” nauutal kong sagot sa kanya at naikagat ko ang aking ibabang labi sa pagbabaka sakaling mapigilan ang muling pagdaloy ng mga luha ko.

Napabuntong-hininga na lamang si Kuya Michael. Alam kong nag-aalala siya sa kanyang mga pamangkin, pero hindi ko naman puwedeng ipagpatuloy ang pagsisinungaling. Mahigit isang taon pa lang naman ang nakakalipas na kasama nila ako. Siguro naman ay madali nilang matatanggap ang ipagtatapat ko.

Matapos ang maikli naming pag-uusap na iyon ay katahimikan na muli ang namayani sa loob ng sasakyan. Naging abala na lamang si Kuya Michael sa pagmamaneho patungo sa bahay ng mga Santillan.

Ilang sandali pa ang aking hinintay at narating na namin ang dati kong itinuturing na tahanan. Mula rito sa labas ng gate ay hindi muna kami lumabas ng kotse ni Kuya Michael. Inabala muna namin ang aming sarili sa pagtitig sa bahay na kaninang umaga lamang ay aking nilisan.

“Hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa atin sa loob. Sigurado ako, nandiyan na rin ang mga bata at hinihintay kang dumating.” malungkot na pakikipag-usap sa akin ni Kuya Michael makalipas ang ilang sandali.

Pinagmasdan kong mabuti ang kabuuan ng bahay nina Oliver. Hindi pa naman malalim ang gabi kaya nakikita kong bukas ngayon ang lahat ng ilaw. Sa mga oras na ito, naglalaro sa aking isip na sasalubungin ako ng magandang pagbati nina Kryz at Marl. Marahil ay hanggang ngayon, wala pa rin silang kaalam-alam sa mga nangyari at iyon ang kailangan kong paghandaan.

“France…” malungkot na pagtawag na naman sa akin ni Kuya Michael.

Nilingon ko ito kaya napabitiw ako sa pagkakatitig sa malaking bahay. At nang tuluyang magtagpo ang mga mata namin ni Kuya Michael ay nakita ko ang labis na pag-aalala rito.

Hindi na ako nagsalita, ang hinintay ko na lamang ay ang mga sasabihin niya.

“Puwede ka naman tumira sa bahay ko. Inuulit ko, kapatid na rin ang turing ko sa ’yo. Kakambal mo ang kapatid ko. At kung sinong tao ang mahalaga kay Weldy, handa kong tanggapin iyon. Bukas ang pintuan ng bahay ko para sa ’yo dahil mahalaga ka na rin sa akin. Nag-aalala rin ako sa magiging kinabukasan mo.” mahinahon nitong pagkumbinsi sa akin.

Kanina niya pa ito ginagawa. Kanina niya pa paulit-ulit na sinasabi ang kanyang mga plano sakaling sa kanya ako tumira. Pero nakapagdesisyon na rin ako. Buo na ang loob kong magbalik sa lugar kung saan nararapat ang isang tulad ko.

Ngumiti ako nang mapait kay Kuya Michael. Kasunod nito ay sinagot ko ang mga sinabi nito.

“Salamat sa alok mo, Kuya. Salamat sa malasakit at pag-aalala. Pero desidido na rin kasi ako. Sa tingin ko, mas magiging magulo lang ang sitwasyon kung mananatili ako rito. Isa pa, mas mabuti nang ngayon pa lang, malaman na ng mga bata ang totoo,” sagot ko at napatigil nang bahagya. Kung kanina ay sinisikap ko pang pigilan ang aking mga luha, ngayon ay hindi ko na nagawa. “K-kailangan na nilang malaman na hindi ako ang inaakala nilang Papa… H-hindi ako ang magulang nila… Hindi ko sila anak, Kuya… Kailangan din nilang malaman ang totoo habang maaga pa…” dugtong ko pang humihikbi sa kanya.

Buong araw na akong umiiyak, at sa tingin ko, sa mga susunod na araw ay ganito pa rin ang magaganap. Patuloy akong iiyak dahil sa pangungulila sa hiniram kong pamilya.

Hinaplos ni Kuya Michael ang aking ulo nang paulit-ulit habang nag-aalala ang kanyang ekspresyon. Sinisikap niyang intindihin ang aking sitwasyon. Ipinapakita rin niyang suportado niya ang aking naging desisyon.

“Mukhang hindi na talaga kita makukumbinsi,” malungkot na sambit ni Kuya Michael. “Ang hiling ko na lang ngayon, madali kang maintindihan ng mga pamangkin ko…” dugtong pa nito.

Tanging pagtango lang ang naisagot ko sa kanya. Pinaparating ko sa aking pagtango na sisikapin kong ipaunawa iyon sa mga bata kaya hindi na siya dapat mag-alala.

Nakapag-usap na rin kami kanina ni Kuya Michael sa magiging plano ko. Ngayon ang huling gabi na makikita ko sina Oliver at ang mga anak nito. Sa oras na maging maayos ang aming pag-uusap, sasama akong uuwi sa bahay ni Kuya Michael. At bukas na bukas din ay ihahatid niya ako sa airport para mas madali akong makarating sa pinanggalingan kong probinsiya. Siya na rin ang nagpresenta na bumili ng aking ticket sa sasakyan kong eroplano. Nag-alok pa siya na bibigyan ako ng pera ngunit tinanggihan ko na. Sinabi ko na lamang na ang mga perang ibinigay niya noon ang aking gagamitin bilang panimula.

Hindi na ako dapat pang magtagal dito sa Maynila. Alam ko kasing mas mahihirapan lang ako kung mananatili pa ako ng ilang araw. Kailangan kong makalayo agad bago pa ako muling kainin ng takot na sa kanila ay mapahiwalay.

Mas masasaktan lang din kaming pare-pareho hangga’t nakikita namin ang isa’t isa. Sigurado rin kasi ako, tuwing makikita nila ang imahe ko, paulit-ulit din sa kanilang magpo-proseso na iniwan na sila ng tunay na pamilya nito. At kung mangyari man iyon, paulit-ulit ko rin sisisihin ang sarili ko. Masakit mang aminin, pero ako ang dahilan kung bakit nawala sa kanila si Weldy. Ako ang sanhi ng kanilang pangungulila dahil sa ambisyon kong makahanap ng pamilya.

Pinunasan ko ang aking mga luha at nagbitiw ng buntong-hininga. Inihanda ko na ang aking sarili para makaharap na sina Oliver at ang mga bata.

“P-pumasok na tayo, Kuya. Handa na akong makaharap sila.” pagyaya ko na sa kanya.

Ilang segundo niya muna akong tinitigan nang may pag-aalala. Tila ba sinisiguro niyang handa na talaga ako sa magaganap. At nang makita niyang desidido na talaga ako, isang marahang pagtango lang ang nagawa nito.

Sabay kaming lumabas ng kotse. Siya pa ang nagbukas ng gate at inalalayan ako na makapasok sa garahe.

Ilang mga hakbang pa lamang ang nagagawa namin ni Kuya Michael mula sa garahe ay natigilan din kami. Pareho naming nilingon ang isa’t isa habang nanlalaki ang aming mga mata nang marinig namin ang malakas na iyakan ng mga bata. Binalot kami ng pag-aalala kaya mabilis na rin kaming kumilos patungo sa loob ng bahay.

“No! That’s not true!” nadinig naming sigaw ni Marl habang umiiyak ito.

“Liar! He’s a liar, Ate Aning! I hate Daddy! I hate him!” sigaw rin ni Kryz na kapareho ng kanyang kapatid ay umiiyak din.

Pareho rin namin na naririnig ang mga pakiusap nina Ate Aning at Ate Loca sa dalawang bata habang pinapakalma ang mga ito.

“Tahan na, mga bata… Baka naman magulo lang ang isip ng Daddy ninyo kaya gano’n..?”

“Sige na naman, Kryz, Marl… Kanina pa kayo umiiyak… Tahan na…”

Nang marating namin ni Kuya Michael ang pintuan ay agad din naming pinasok ang bahay. Naabutan namin sina Ate Aning at Ate Loca na kandong ang mga bata. Pinupunasan ng dalawang babae ang mga luha ng dalawa dahil sa patuloy nilang pag-iyak.

Nang tingnan ko sina Kryz at Marl ay halos manghina ako sa mga hitsura nito. Gabi na ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nakakapagpalit ng damit pambahay ang mga ito. Suot pa rin nila ang kanilang mga uniporme pang-eskwela. At kahit may kalayuan ang aming mga pwesto, kitang-kita ko ang basa na nilang kasuotan dahil sa pinaghalong pawis at luha tanda na may katagalan na ang ginawa nilang pag-iyak.

“K-kryz..? Marl..?” nauutal at mahina kong pagtawag sa mga ito.

Nang marinig nila ang aking boses ay natigilan silang lahat. Mabilis nilang nilingon ang pwesto namin ni Kuya Michael habang nanlalaki ang kanilang mga mata tanda ng pagkasorpresa.

“Papa…!” umiiyak at sabay na sigaw ng dalawang bata. Kasunod nito ay mabilis silang umalis sa kandungan ng kanilang mga kasambahay at tinakbo ang aking kinatatayuan.

Napaluhod ako dahil nakita ko kung paano nila ibinuka ang kanilang mga braso para salubungin ng yakap ang katawan ko.

“Papa….” pagtawag nilang dalawa habang mahigpit ang yakap namin sa isa’t isa.

Nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib nang tawagin nila akong ‘Papa’. Hindi ko man gustuhin ay kusa na lamang din naglandas ang mga luha ko.

Tinatawag nila ako sa titulong hindi akin. Ang sakit aminin na ang pagtawag nilang iyon sa akin ay magtatapos na rin ngayong gabing ito. Naging musika na iyon sa aking pagdinig dahil minsan ko nang tinanggap at inangkin ito.

Sa kabila ng nararamdaman kong kalungkutan ay sinikap kong ngumiti. Nagbabaka sakaling mapagaan ang kanilang pakiramdam kung gagawin ko ito.

“B-bakit kayo umiiyak..?” pilit kong pinapasigla ang aking boses na pagtatanong. Sinasabayan ko rin ito nang marahang paghaplos sa kanilang pawisang mga likod.

Hinintay ko silang makasagot, ngunit sa mga segundong lumipas ay mas lalo lang lumakas ang pag-iyak ng mga ito.

Dahil sa hindi magawang magsalita ng dalawang bata ay sina Ate Aning at Ate Loca na ang sumagot sa katanungan ko.

“S-si Kuya Oliver po kasi, kinausap sila… Sinabi niyang matagal na po kayong wala… Pinipilit din po niyang iniwan n’yo na raw sila…” maluha-luhang sagot ni Ate Aning.

“Matagal na raw po kayong patay, Kuya… Kaya ayan, iyak nang iyak silang dalawa… Paano nga naman kasi mangyayari ’yon kung nandito ka naman, ’di ba..? Sinabi nga namin na may pinuntahan ka lang… Pero iniisip yata nilang iiwan mo na talaga silang dalawa…” si Ate Loca naman na hindi na napigilang lumuha dahil sa awa sa mga bata.

Nang marinig ko ang mga paliwanag nilang iyon ay mas lalo nang nag-unahan ang pagbuhos ng mga luha ko. Sa mga oras na ito ay tila ba unti-unti na rin tinutupok ng apoy ang aking buong pagkatao.

“Nasaan si Oliver?” biglang pagtatanong ni Kuya Michael sa dalawang kasambahay.

“Nasa kwarto po nila ni Kuya Weldy… Nagalit po kasi ang dalawang bata sa kanya kaya ayaw siyang makita…” malungkot na sagot ni Ate Aning.

Kung ganoon, nasabi na rin pala ni Oliver sa kanila ang totoo. Hindi ko na pala kailangan pang ipagtapat ang bagay na iyon sa mga ito.

Ito naman ang kagustuhan ko, pero ngayong nakikita kong nahihirapan ang dalawang bata ay tila ba nawawalan ng lakas ang aking katawan.

Inaasahan ko nang magiging ganito ang reaksyon nila, ngunit ngayong may pagkakataon na akong sang-ayunan ang pag-amin ng kanilang ama ay tila ba naghihirap ang aking kalooban. Nakakaramdam ako ng takot na tuluyan silang iwan.

Hinanap ng mga mata ko si Kuya Michael. Naririto siya sa aming tabi at pinapanood kami habang suot ang malungkot na ekspresyon nito. Nangingilid ang kanyang mga luha dahil hindi niya gustong makita na ganito ang nangyayari sa aming tatlo.

Naikagat ko ang aking ibabang labi at sinubukan kong humugot ng lakas sa pamamagitan ng paghinga nang malalim. Kasunod nito ay humiwalay ako nang bahagya kina Marl at Kryz.

“T-tahan na… Nalulungkot ako ’pag ganyan kayong dalawa…” pakiusap ko sa kanila habang pinupunasan ang kanilang mga luha.

Hindi ko matanggap na ako ang sanhi ng mga luha nilang ito. Ako na nangakong lagi silang bibigyan ng protesyon ay pinahihirapan ang kalooban nila ngayon. Ako na nangakong pasasayahin sila ay pinapaiyak sila ngayon.

Dahil sa kanilang nagiging reaksyon ay lalo ko lamang sinisisi ngayon ang aking sarili. Wala sanang ganito kung hindi ako nagkunwaring magulang ng mga ito. Kung matagal na sana nilang nalaman ang katotohanang wala na si Weldy, marahil ay nagagawa na nilang ngumiti sa mga panahong ito.

Napakasama ko sa mga walang muwang na batang ito. Binigyan ko sila ng napakabigat na pasanin dahil lang sa pagiging makasarili ko. Nag-ambisyon akong magkaroon ng tulad nila nang hindi iniisip ang resulta ng bagay na iyon.

“S-sorry, ha..? Sorry… Sorry sa inyong dalawa… Sorry sa inyong lahat… S-sana… Sana, balang araw, mapatawad n’yo ako…” iyon lamang ang lumabas sa aking bibig sa pagitan ng paghikbi ko.

Tila ba mas lalo pang nadagdagan ang paghihirap ng kanilang kalooban nang humingi ako ng kapatawaran.

“No, Papa…” pagkontra sa akin ni Kryz. “Wala ka pong kasalanan… S-si Daddy po… Siya ang may kasalanan… Sinungaling siya, Papa… Hindi ka naman patay, ’di ba..? Nandito ka naman pero sinasabi niyang wala ka na…” dugtong pa nito sa paggitan ng pag-iyak niya.

Hindi ko nagawang sagutin ang sinabing iyon ni Kryz kaya tanging pag-iling lang ang aking nagawa. Hindi niya lubusang naiintindihan ang naging pag-amin ng kanilang ama. Hindi rin maikakaila na nagkaroon siya ng galit sa binitiwan ni Oliver na mga salita.

Matapos iyon ay si Marl naman ang kumuha ng pagkakataong magsalita. Gamit ang kanyang mga maliliit na kamay ay sinubukan niyang pahirin ang aking mga luha.

“’Wag ka na mag-cry, Papa… H-hindi mo naman kami iiwan, ’di ba..? Dito ka lang, ’di ba..?” nahihirapan niyang pagsasalita. “Pwamis… H-hindi na magkukulit si Marl… Makikinig na siya… B-basta dito ka lang… ’Wag mo kaming iwan… K-kasi… Kasi malulungkot si Ate saka si Marl… Ayaw mo ’yon, ’di ba..? S-sabi mo… Sabi mo… Ayaw mo kaming sad, ’di ba..?” hinihingal pa nitong dugtong dahil sa ginagawang pag-iyak.

Hindi ko alam kung ano ang aking dapat sabihin. Mayroon sa aking sarili na gusto ko silang kumbinsihin, pero dahil sa nakikita ko sa kanila ay may parte rin sa akin na naduduwag akong umamin.

“K-kryz… Marl… Hindi n’yo kasi naiintindihan, eh…” panimula ko habang pinupunasan pa rin ang luha at pawis ng mga ito.

Kailangan kong magpakatatag. Hindi ako puwedeng magpadala sa sitwasyon. Ito ang nakikita kong tama at ito na rin ang panibago naming simula. Dapat na naming harapin ang katotohanang kailangan na naming magpaalam sa isa’t isa.

Isang buntong-hininga muna ang aking pinakawalan bago itinuloy ang mga sasabihin ko sa kanila.

“K-kami ng Daddy n’yo… H-hindi na kami dapat magkita… Baka kasi lalo pang gumulo ang lahat, eh… S-siguro… Siguro ’pag lumaki na kayo… M-maiintindihan n’yo rin ang sinabi niya… Pero sa ngayon, kailangan munang umalis ang Papa… Sigurado naman ako, masasanay rin kayo… Sabi n’yo nga, super heroes kayo, ’di ba..? Matapang kayong mga bata, ’di ba..?” pagkumbinsi ko sa kanila.

Nang marinig nila iyon ay nasaksihan ko kung paano tila tumigil ang kanilang mundo. Natahimik silang saglit at rumehistro ang pagkabigla sa mga ito. Maging sina Ate Aning at Ate Loca na nakikinig lamang sa amin simula kanina ay hindi na rin naiwasan ang lumuha. Si Kuya Michael naman ay naitakip na lamang ang mga palad sa kanyang mukha upang itago ang emosyon.

Sinamantala ko na ang pagkakataon. Habang nakatingin sa akin sina Kryz at Marl ay ibinigay ko na ang mga huli kong salita.

“D-darating ang araw na magkikita ulit tayo… Pero sa araw na ’yon, s-siguro… Siguro, malalaki na kayo..? M-magiging masaya ako kung lalaki kayong mabait tulad ngayon… ’Wag kayong magagalit sa Daddy n’yo dahil wala siyang ibang inisip kundi ang kapakanan n’yo… Mahal na mahal niya kayo… Handa niyang gawin ang lahat para sa inyo… K-kaya sana… Sana, alagaan n’yo rin siya dahil matagal na siyang nalulungkot…” paghahabilin ko na sa kanila.

“P-papa…” sambit ni Kryz na mas doble na ang inilalabas na luha.

Ngumiti ako sa kanya saka hinalikan ang pisngi niya bago muling nagsalita.

“G-gusto ko rin… Gusto ko rin magpasalamat sa inyo… Naging napakasaya ko simula nang magising ako… Marami akong natutuhan dahil ang tatalino n’yo… Ang swerte-swerte ko dahil kayo ang napunta sa akin… Mababait kayong bata at hindi n’yo ako pinakitaan ng maling pagtrato… Sorry kung naging pabigat ako minsan sa inyo, ha..? Pero ngayong nandito na ’to, hindi na rin kayo mahihirapan… Wala nang laging magtatanong sa mga hindi ko alam… Wala nang ––”

“No, Papa! No!” biglang pagputol ni Marl at muli ay mabilis akong niyakap. “Please, Papa… Don’t… N-napapagod ka na po ba..? Kung gusto mo… K-kung gusto mo, hindi na magpapakarga si Marl… M-maglalakad na lang po ako after ng school para hindi ka na mapagod… Just… Just don’t leave us, please..? Please, Papa, please..?” sunod pa nitong pagkumbinsi sa akin na sinasabayan pa ng kanyang pagsinok.

Ganoon din ang ginawa ni Kryz, mahigpit niya akong niyakap muli sa paraang napakahigpit.

“Papa… Please… Nagagalit ka na ba sa amin kasi nag-e-english kami..? Hindi na po namin uulitin… Basta dito ka lang, Papa… ’Wag mo kaming iiwan… ’Wag naman, Papa, please..?” pakiusap din ng panganay sa akin.

Paulit-ulit pa silang nakiusap sa akin. Hindi rin maitatanggi sa kanilang ikinikilos na ayaw nila akong pakawalan dahil lalo pang naging mahigpit ang kanilang pagkapit sa aking damit.

Nahihirapan ako. Ang mga batang ito ay naging malaki na ang parte sa buhay ko. Sa loob ng mahigit isang taon, sila na ang bumubuo ng araw ko. Ang mga ngiti nila ang pinakamagandang larawan na nais kong makita tuwing gigising ako. Ang mga pag-aasikaso at pag-aalaga ko sa kanila ang nakasanayan ko nang ginagawa. Ang mga paglalaro namin nang magkakasama ang isa sa pinakamasayang sandali ng aking buhay.

Gustuhin ko man na manatili sa kanilang tabi ay hindi na maaari. Hindi ako ang tunay nilang ama kaya hindi na ako dapat pang manatili. Sila man ang buhay ko ngayon, kailangan na rin maputol ang anomang aming koneksyon.

Tanging malalakas na lamang na pag-iyak ng mga bata ang naririnig dito sa sala. Maging sina Ate Aning at Ate Loca na ngayon ay naiintindihan na ang sitwasyon ay hindi na rin naiwasan ang maging emosyonal.

Sinulit ko ang pagkakataong mayakap ang minsan ko nang mga naging anak. Paulit-ulit ko pa silang hinahalikan habang paulit-ulit din na humihingi sa kanila ng kapatawaran.

Hindi ko alam kung gaano kami katagal sa ganoong posisyon. Hindi ko na alintana kung sumasakit man ang aking mga tuhod dahil sa matagal kong pagkakaluhod. Naisip kong ito na rin naman ang huli. Ito na ang huli ko sa kanilang yakap at halik. Dahil simula bukas, sa pagiging mag-isa na ako magbabalik.

Makalipas ang mahabang minutong ganoon kami ay sinubukan kong kumalas mula sa pagkakayakap ng mga bata, ngunit nang maramdaman nila iyon ay mas lalo lang silang kumapit sa aking balikat.

“No, Papa! H-hindi mo kami iiwan ni Marl! No! Please, Papa… Please..?!” nagmamakaawang pakiusap sa akin ni Kryz.

“P-papa… ’W-wag po… Dito… D-dito ka lang po… ’W-wag kang aalis… P-papa, please..? H-hindi na talaga ako magkukulit… Promise… P-promise po…” nahihirapang pakiusap sa akin ni Marl na tila naghahabol ng hangin sa katawan ito.

Dahil sa nahihirapan na rin ako sa sitwasyon ay naghanap na ako ng ibang paraan. Tiningala ko si Kuya Michael na ngayon ay may mga luha na ring dumadaloy sa kanyang mga pisngi.

“K-kuya…” paghingi ko rito ng saklolo.

Naikagat ni Kuya Michael ang kanyang ibabang labi tanda na sinisikap niya pa ring pinakakalma ang sarili. Sa pamamagitan ng kanyang mga mata ay sinubukan niya sa aking makiusap. Naroon ang pagmamakaawa na sana ay magbago pa ang aking isipan. Ngunit nang kumilos ako para umiling nang marahan ay rumehistro na rin sa kanya ang kabiguan.

Desidido na ako. Hindi na kami maaaring magpatuloy sa aming mga pagkakamali. Magtatapos na ang lahat sa aking pag-alis.

Matapos ang pag-uusap namin ni Kuya Michael sa pamamagitan ng aming mga mata ay nagbitiw siya nang malalim na buntong-hininga. Kasunod nito ay kumilos siya para hawakan ang mga bata.

“K-kryz, Marl… Dito muna kayo kay Tito,” nauutal nitong pakiusap sa mga bata. Sinisikap niya rin na makibitiw sa akin ang mga ito. “Mag-uusap lang muna ang Papa at Daddy ninyo…” sunod pa nitong pagkumbinsi sa mga ito.

“No, Tito! No! Dito lang kami kay Papa!” pagtutol ni Kryz habang ito ay nagpupumiglas.

Halos mapaupo na ako sa sahig dahil nagsimula nang makipagtalo ang mga bata. Ayaw nilang bumitiw at mas lalo pang hinigpitan ang pagkapit sa akin.

“Sorry… Sorry… Sorry…” paulit-ulit kong sambit kasabay ng aking marahang pagtulak sa kanila upang magkahiwalay na ang katawan namin sa isa’t isa.

Tuluyan na kaming nagkagulo rito nang pwersahan nang kinukuha ni Kuya Michael si Marl mula sa akin.

“Aning, Loca, kunin n’yo muna si Kryz!” madiin na utos ni Kiya Michael sa dalawang kasambahay.

Mabilis naman na sinunod nina Ate Aning at Ate Loca ang kanyang pakiusap. Ang dalawang babae ang naging abala sa pagkuha kay Kryz habang si Kuya Michael naman ang kumuha kay Marl.

“No!! Gusto namin kay Papa!” pakikipagtalo ni Kryz sa kanila.

“Papa ko! Papa ko! Dito ka lang po!” pagmamakaawa naman sa akin ni Marl.

Kung alam ko lang na magiging ganito kahirap ang sitwasyon, hindi na pala sana ako nagpaalam sa mga ito. Habang nakikita ko ang dalawang bata na nagmamakaawa, para na rin akong mamamatay. Sa buong buhay ko, sa tingin ko ay ito na ang pinakamasakit na naging tagpo. Mas masakit pa ito sa pagpapaalam ko sa mga batang nasa bahay-ampunan noon.

Dahil sa tatlo sina Kuya Michael ang nagtutulong-tulong para magkahiwalay kami ng mga bata, naging madali na lang iyon para sa kanila. Karga ni Kuya Michael si Marl na patuloy pa rin sa pagsigaw ng pagmamakaawa. Si Kryz naman ay hawak nina Ate Aning ngunit nagpupumilit pa rin makawala.

Halos hindi ko kayanin na titigan ang dalawang bata habang patuloy silang umiiyak at sumisigaw. Nakaangat pa ang kanilang mga braso na tila inaabot ako. Patuloy ang kanilang panaghoy na muli kong yakapin ang kanilang katawan at huwag bibitiw sa mga ito.

Nakaluhod pa rin ako sa sahig habang patuloy ang paglandas ng mga luha ko. Puno ng pagsisisi ang kalooban dahil sa gulo na ako ang naging puno’t dulo.

“Sige na. Umakyat ka na sa kwarto. Kausapin mo na si Oliver. Ako na ang bahala sa kanila.” pilit na pinapatatag ang boses ni Kuya Michael na utos sa akin.

“Don’t, Papa! Please?! Dito ka lang!” pag-awat ni Kryz.

“Papa… Papa… Dito ka lang… Iiyak na naman si Marl… Sige na, please..?” pakiusap na naman ng bunsong si Marl.

Napayuko na lamang ako dahil hindi ko na sila kaya pang tingnan. Sa bawat luhang inilalabas ng kanilang mga mata ay nakakaramdam ako ang dobleng pagdurusa.

Ilang beses pa silang nagmakaawa. Ilang beses pa silang sumigaw ng pakiusap. Ngunit sa kabila ng mga iyon ay sinikap kong magpakatatag.

Unti-unti akong tumayo muli sa aking pagkakaluhod. Kasunod nito kumilos ako para talikuran ang kanilang mga pwesto.

“Papa, please… Listen to us… Papa!”

“Papa… Don’t leave us, Papa… Papa!”

Paulit-ulit pang sumigaw ang dalawang bata ngunit mas pinili kong ihakbang ang aking mga paa palayo. Ginagawa ko iyon habang kinukumbinsi ang aking sarili na matatapos din ito. Sa umpisa lang kami mahihirapang pare-pareho, dahil darating din ang araw na matatanggap din namin ito.

Tinumbok ko ang malaking hagdanan ng kanilang bahay. Patungo ito sa ikalawang palapag kung saan ang mga kwarto.

Ang bahay na ito, naging malaki na rin ang parte sa buhay ko. Sa bawat sulok ng tahanang ito ay may masasayang alaala na rin akong nabuo. Sa bawat parte nito ay nakikita ko ang imahe namin nina Oliver at ng mga bata na nagsasaya. Mga sandali na tinuturuan nila ako sa mga bagay na hindi ko pa nalalaman. Mga oras na wala kaming ginawa kundi ang tumawa at bumuo ng mga plano sa hinaharap.

Marami pa sana kaming planong gawin nang magkakasama, ngunit dahil sa pareho na kaming namulat ni Oliver sa katotohanan ay kailangan na rin namin iyon kalimutan.

Nakarating ako sa tapat ng pintuan ng kwartong dati kong itinuring na akin. Ang loob nito ang nagsilbing tahanan naming dalawa ni Oliver. Ito ang natatanging lugar kung saan ko naramdamang may katuwang ako. Dito ko rin ibinahagi ang aking sarili sa taong inakala kong pag-aari ko.

Bago ko pasukin ang kuwarto kung saan nagtatago si Oliver ay sinikap kong pigilan ang mga luha ko. Ito na ang pinakahuling bahagi ng aking pamamaalam kaya dapat ay magpakatatag ako.

Gamit ang aking suot na t-shirt ay pinunasan ko ang mga luhang patuloy na dumadaloy. At para mas makapaghanda ay isang buntong-hininga muna ang aking pinakawalan.

Matapos ang ilang minutong pagtayo mula sa labas ay nagawa ko nang iangat ang aking nanginginig na kamay. Kasunod nito ay dahan-dahan ko na ring binuksan ang pintuan upang hanapin ang taong dahilan kung bakit naging masaya ako magmula nang masilayan kong muli ang araw.

Naabutan kong medyo madilim ang loob ng kwarto. Tulad sa mga nagdaang gabi na natutulog ako rito, ang nag-iisang lampshade na nasa tabi ng kama ang nagsisilbing liwanag dito.

Katahimikan sana ang sasalubong sa akin, ngunit dahil sa lalaking nakaupo sa kama ay nagkaroon ng kaunting ingay rito. Natagpuan ng aking mga mata si Oliver na nakaupo sa kama at nakayuko. Lumilikha siya ng ingay dahil sa mga paghikbi nito. Hindi ko man makita ang kanyang mukha ay hindi lingid sa akin ang paghihirap nito ngayon.

“O-oliver…” lakas-loob kong pagtawag sa pangalan nito.

Nang marinig niya ang aking boses ay nasaksihan ko kung paano siya natigilan. Dahil sa malalim niyang pag-iisip ay tila ba ngayon niya lang napansin ang aking presensiya.

Unti-unti niya akong nilingon habang nanlalaki ang kanyang mga mata. Bakas sa kanya ang labis na pagkagulat nang makita ang imahe ko. Mula sa aking pwesto ay nakumpirma ko ang paghihinagpis niya sa mga oras na ito. Namumugto ang kanyang mga mata dahil sa patuloy na pagluha nito.

Dahan-dahan ay inihakbang ko ang aking mga paa. Sa aking isip ay inihahanda ko na rin ang mga salitang sasabihin ko sa kanya.

“F-france…” nauutal niyang pagtawag sa aking pangalan. Kasunod nito ay mabilis din siyang kumilos para ako ay puntahan.

Sa gitna nitong kwarto ay sinalubong niya ako ng napakahigpit na yakap. Napakahigpit nito ngunit hindi ko magawang tugunan.

Napapikit ako dahil naramdaman ko ang pagbabanta ng aking mga luha na muling maglandas. Nagsimula na naman ang takot na namamayani sa aking kalooban.

Ang mahigpit na yakap niyang ito, ito ang yakap na akin nang nakasanayan. Ang yakap niyang kumakalma sa akin tuwing pakiramdam ko ay isa akong walang silbing nilalang. Ito ang isa sa mga bagay na kailangan ko na rin kalimutan.

“S-salamat… Salamat dahil bumalik ka… Sabi ko na nga ba… H-hindi mo kami matitiis ng mga bata…” narinig kong sambit ni Oliver sa tapat ng aking tainga.

Mali. Mali ang kanyang inaakala.

“Mahal kita, France… M-maniwala ka… Handa ko nang itama ang lahat ng pagkakamali ko…” muli niya pang sambit at hinalikan nang paulit-ulit ang pisngi ko. Hindi ko man nakikita ang kanyang mukha ngayon, batid kong nakangiti siya sa kabila ng luha niyang nag-uunahan.

Naikagat ko ang aking ibabang labi dahil sa pinipigilan kong emosyon.

Ang halik niyang ito. Ito ang halik na naghatid sa akin sa ibang mundo. Ito ang nagiging dahilan ng mabilis na pagtibok ng aking puso. At dahil sa halik niyang ito ay natuto akong magmahal nang higit pa sa inaasahan ko. Pero, ito na rin ang huling halik na matatanggap ko mula sa taong dahilan ng mga pagbabagong iyon.

Kumilos si Oliver para bahagya sa aking kumalas. Kasunod nito ay hinawakan niya ang aking magkabilang pisngi upang magtagpo ang aming mga mata. Napakalapit namin sa isa’t isa kaya malinaw kong nakikita ang ang kabuuan ng kanyang mukha.

Nang magtama ang aming mga paningin ay nakaramdam na naman ako ng panghihina. Ngayon lang sa akin naging malinaw kung gaano siya ngayon naghihirap. Namamaga ang kanyang mga mata tanda ng matagal na siya sa ginagawang pag-iyak. Basang-basa ang kanyang mga pisngi na hindi na niya inabala pang punasan.

Gusto kong pahirin ang mga luha niyang iyon ngunit naisip kong wala nga pala akong karapatan. Naikuyom ko na lamang ang aking kamao dahil sinisikap kong magpakatatag.

Ang lalaking ito, siya na ang lakas at kahinaan ko tulad ng kanyang mga anak. Ang lalaking ito ang naghatid sa akin sa pinakamagandang mundo na hindi pa nararating ng aking mga paa. Siya ang taong nagturo sa akin sa maraming bagay. Siya ang taong sa kabila ng aking kakulangan ay sinikap akong intindihin. Siya ang taong sa kabila ng pangungulila dahil sa aking kagagawan, kahit minsan ay hindi ako sinumbatan.

Napakaswerte ko na sana. Kung papipiliin nga ako ng Diyos kung sino ang nais kong makasama sa mga susunod kong buhay, paulit-ulit ko siyang ituturo at sasabihing, ‘Siya po. Si Oliver po’. Hindi ako matatakot kahit pa husgahan kami ng iba Niyang mga anak. Pero dahil sa kasalukuyan, wala akong ibang mapagpipilian. Mali ang aming naging simula. Mali na nagtagpo kaming dalawa dahil ang kakambal ko ang kanyang asawa. Sa madaling salita, hindi talaga kami itinadhana.

“France…” nakangiti ngunit lumuluha niyang sambit sa aking pangalan.

Hindi ko siya magawang tugunan. Ang tangi ko lamang nagawa ay tingnan ang mga mata niyang luhaan.

“B-bumalik ka dahil mas nangibabaw ang pagmamahal mo sa akin, ’di ba..?” tanong niya sa akin habang hinahaplos ng kanyang mga daliri ang aking pisngi.

Tama siya, mahal ko nga siya. Mahal na mahal at gusto ko siyang makasama hanggang sa aking pagtanda.

Gusto kong tumango bilang pagtugon, ngunit natagpuan ko ang aking sarili na umiiling nang marahan sa kanya.

Nang makita iyon ni Oliver ay natigilan at nabawasan ang pagkakangiti niya. Tila ba nabigla siya sa ibinigay kong kasagutan sa kanya. Nasaksihan ko rin ang panibago niyang mga luhang naglandas.

Ang buong akala ko ay maiintindihan na niya ang lahat, ngunit makalipas ang ilang segundo ay muli siyang ngumiti at hinalikan muli ang aking pisngi.

“’W-wag kang mag-alala, France… Sinabi ko na sa mga bata ang totoo… G-ginagawa ko na ang lahat para magsimula ulit tayo… Iyon naman ang gusto mo, ’di ba..? Handa kong gawin ang lahat para lang maniwala kang mahal talaga kita… A-ano pa bang gusto mo..? Sabihin mo lang… L-lahat gagawin ko para lang pagkatiwalaan mo ulit ako…” pagkumbinsi nito sa akin sa pagitan ng kanyang pag-iyak. Kapansin-pansin din na pilit niyang iniignora ang aking pagtanggi.

Kahit may pagdududa ay nakikita ko ang senseridad sa mga binitiwan niyang salita. Gusto kong maniwala ngunit alam kong maling-mali ang naging pasya niya.

“G-gusto mo bang sabihin ko rin sa mga kasamahan namin ni Michael sa ospital..? Ha, France..? Gusto mo bang ipakilala kita sa lahat..? Walang problema… Kaya kong gawin ’yon…” determinado niyang pagtatanong.

Sa pagkakataong ito ay sinubukan kong ibuka ang bibig ko. Sinubukan kong magsalita sa kabila ng nananakit na lalamunan ko.

“Oliver,” mahinahon kong pagtawag sa kanyang pangalan. “H-hindi ako… Hindi ako nagpunta rito para makipag-ayos tulad ng gusto mo… Pumunta ako rito para makapagpaalam sa ’yo at sa mga anak mo…” pagtatapat ko rito.

Naramdaman ko kung paano nanigas ang mga kamay ni Oliver na nasa aking mga pisngi. Natulala rin siya habang nakatingin sa aking mga mata dahil sa kanyang narinig. Ito na rin ang ginamit kong pagkakataon para ihayag sa kanya ang maraming bagay na nais kong sabihin.

Gusto ko sanang maghiwalay kami ng landas nang may pang-unawa at ngiti sa labi naming dalawa, ngunit nang simulan kong magsalita ay muling dumaloy ang traydor kong mga luha.

“O-oliver… S-sa tingin ko, mali ang mga bagay na gusto mo… H-hindi natin maitatama ang mga pagkakamali kung magsasama pa tayo… Hindi ako ang tamang tao para sa ’yo…. Komplikado ang sitwasyon natin dahil konektado kami ng taong nawala sa ’yo… Magkakambal kami ni Weldy na dating asawa mo… Hindi lang ako basta kung sino…” panimula kong pagpapaintindi sa kanya.

Naninikip na ang aking dibdib ngunit sinikap kong magpatuloy. Nagbitiw muna ako ng ngiti sa kabila ng mga luha kong tuloy-tuloy ang pagdaloy.

“K-kaya pala hindi ka na nagugulat tuwing may hindi ako alam sa mga bagay-bagay… Kasi alam mo nang hindi ako si Weldy simula pa noong una… Ayos lang naman, Oliver… Ngayon ko napag-isip-isip na nakabuti rin naman iyon sa akin… Marami akong natutuhan dahil doon…” saad ko pa at saglit na natawa nang mapait.

Nagbalik sa aking alaala ang mga sandali ng aking kamangmangan. Sa dami ng mga iyon, ang tangi niyang ginawa ay ituro sa akin ang tama. Hindi niya ako pinagtawanan. Naging matiyaga siyang ituro sa akin ang mga bagong kaalaman.

“S-salamat, ha..? Sa loob ng mahigit isang taon, marami kang itinuro sa akin na hindi ko pa nararanasan sa buong buhay ko… Hindi magiging posible ang lahat ng iyon kung hindi dahil sa tulong mo… Dati kasi, pangarap lang ’yon noong nasa bahay-ampunan pa lang ako… Pero ikaw, ikaw ang tumupad sa mga simpleng pangarap ko lang noon… Salamat sa ’yo… Iyon na lang siguro ang iisipin ko para wala akong pagsisihan sa mga nangyari sa buhay ko… Salamat sa lahat, Oliver… Salamat sa inyo ng mga anak mo… Salamat dahil naramdaman kong kahit minsan, nagkaroon ako ng pamilyang buo…” mahaba ko pang litanya na nagtapos sa paghagulgol ko.

Tuluyan na akong bumigay. Ang pinipigilan kong emosyon na iniiwasan ko sanang makita niya ay hindi ko na naitago.

“F-france…” narinig ko lang na sambit ni Oliver. Kasunod nito ay unti-unti na rin niyang sinabayan ang paghagulgol ko.

Alam kong may mga nais pa siyang sabihin. Alam kong marami pa siyang magiging pangako sa akin. Pero bago niya pa iyon gawin, mabilis kong inangat ang aking mga kamay para hawakan din ang mga kamay niyang nasa aking pisngi.

“H-hanggang dito na lang, Oliver… Kailangan ko nang bumalik sa pinaggalingan ko… A-alam ko naman na hindi mo pababayaan ang mga bata dahil mabuti kang ama… M-mahal na mahal ko sila… Ito ang makabubuti sa ating lahat… K-kaya sana… S-sana… Sana, sa pag-alis ko, magpatuloy na tayong mamuhay nang tama… Alam kong darating din ang oras na pare-pareho tayong magiging masaya… Pero sa ngayon, kailangan muna nating magpakatatag…” huling bahagi ng aking pamamaalam sa kanya.

Matapos ang mga binitiwan kong mga salita ay mabilis kong tinanggal ang mga kamay niya mula sa aking pisngi. Naghahanda na akong makaalis ng kanyang kuwarto ngunit mabilis din niyang niyakap ang katawan ko.

“France, ’wag… Parang awa mo na… Hindi ko kaya… Ano bang gusto mong gawin ko para magbago ang isip mo..? K-kahit ba… Kahit ba kaunti, wala ka nang nararamdamang pagmamahal para sa akin..? H-hindi… Hindi ko na ba mabubuo ang tiwala mo sa akin..? Ibabalik ko ’yan… G-gagawin ko ang lahat para lang bumalik ’yan… Nakikiusap ako sa ’yo… Bigyan mo pa ako ng pagkakataon… Mahal kita… Hindi ko kayang mawala ka… Ikaw na ang dahilan kung bakit nabubuhay na ako nang masaya… Parang awa mo na… ’Wag kang umalis… Hindi ko kaya, France… Nagmamakaawa ako… ’Wag mo kaming iwan ng mga bata…” mahaba nitong pakiusap sa akin.

Napailing ako.

Mahal?

Mahal na mahal ko siya. Handa kong gawin ang lahat para sa kanya.

Pero mali.

Mali ang aming magiging pagsasama. Maling-mali kahit saang anggulo pa tingnan.

Hindi ko sinagot si Oliver. Sa halip na magsalita ay ginamit ko ang aking natitirang lakas upang makabitiw sa mahigpit na pagkakayakap niya.

“France, please… ’Wag… Hindi ko kaya…” paulit-ulit niyang pakiusap sa pagitan ng kanyang pag-iyak.

Hindi ako nakinig. Sa kabila ng patuloy kong pagluha ay sinikap kong makawala.

“S-sige na, Oliver… Parang awa mo na… Ito na lang ang paraan para makapagsimula na rin ako ng bago…” ako na ngayon ang kumukumbinsi sa kanya dahil ayaw pa rin akong bitiwan nito.

“Hindi! Hindi ka aalis! Hindi kita bibitiwan, France… Nagmamakaawa ako… ’Wag mong gawin ’to… H-hindi ko kaya… Hindi namin kakayanin ng mga bata…” pagmamakaawa niya rin pabalik.

Hindi ito ang inaasahan kong magiging paghihiwalay namin ni Oliver, pero dahil sa desidido na rin ako ay inilabas ko na ang natitirang lakas ko.

“Oliver, tama na!” sigaw ko sa kanya at pwersahan ko nang itinulak ang katawan niya.

Sa wakas ay naging matagumpay ako sa aking pakay. Napaghiwalay ko ang aming mga katawan dahilan para makita ko ang kanyang kabuuan.

“Tama na, Oliver… Ako ang pakinggan mo! Ako ang nagmamakaawa sa ’yo! Kahit ito lang! Ito lang hihilingin ko para itama ang pagkakamali ko! Nakikiusap ako sa ’yo… Palayain mo ako…” pakiusap ko rito.

Hindi siya nakatugon sa sinabi kong iyon. Wala siyang nagawa kundi ang mapayuko habang humahagulgol.

“Ito na lang, Oliver… Ito lang ang una at nag-iisang pakiusap na hihingiin ko sa ’yo… Gawin mo sana kung may natitira ka pang awa sa kagaya ko… Kalayaan ko lang ang gusto ko…” muli ko pang pakiusap.

Nakikita kong hindi siya sumasang-ayon sa aking kagustuhan. Paulit-ulit siyang humihinga nang malalim dahil kinakapos na ng hangin ang kanyang katawan.

May katagalan din kami sa ganoong posisyon. Tanging mga pag-iyak lang namin ang maririnig sa buong kwarto.

Ilang sandali pa ay inangat niya ang kanyang mulha para tingnan ako nang diretso.

“H-hindi ako nawawalan ng pag-asa, France… Hanggang sa mga oras na ito, umaasa akong magbabago ang isip mo… At kahit makabalik ka na sa pinanggalingan mo, patuloy akong magdadasal na babalikan mo kami rito… K-kasi… Kasi hindi ko talaga kaya… Mahal kita… Sana… Sana sa nagdaang mga araw na kasama mo ako, naramdaman mo ’yon kahit minsan… Mahal na mahal kita, France, at handa kong isigaw ’yon sa lahat…” mahaba niyang pagtatapat.

Napakasarap pakinggan. Ang sarap sa pandinig na pangalan ko na ang kanyang binabanggit kasunod ng salitang ‘Mahal kita’ .

Dahil doon ay hindi ko napigilan ang makapagbitiw ng matamis na ngiti sa kanya.

“S-salamat, Oliver… Salamat.” naging tugon ko sa mga sinabi niya.

Tanging pasasalamat na lamang ang aking naging tugon sa kanya. Iyon na lamang ang aking napili sa halip na sabihing ‘Mahal din kita’ . Ginawa ko iyon dahil iyon ang sa paniniwala ko ay tama.

Sa tingin ko ay tapos na ang aming pag-uusap. Mukhang tuluyan na rin niyang natanggap ang aking pamamaalam. Hindi na siya muli pang gumalaw sa kanyang pwesto tanda na malaya na akong makakalabas.

Dahan-dahan ay tinalikuran ko na siya. Mabigat man ang aking mga paa ay sinikap ko itong ihakbang.

Tapos na.

Dito na tuluyang nagtatapos ang lahat.

Kailangan ko nang maghanda sa panibagong bukas.

Hindi ko na inabala pang punasan ang aking mga luha nang tuluyan kong marating ang pintuan ng kwarto. Alam ko naman kasing hindi rin titigil ang pagpatak ng mga luha ko.

Isang hakbang na lamang ang aking gagawin para sana tuluyan ko nang lisanin ang silid, ngunit natigilan ako nang makarinig ako ng malalakas na pagsigaw mula sa unang palapag nitong bahay ni Oliver.

“Marl!”

“Diyos ko, Marl!”

“Marl! Gumising ka!”

“Marl! Idilat mo ang mga mata mo!”

“Oliver, bumaba ka muna! Si Marl!”

Ang mga paghingi ng saklolong iyon mula kina Kuya Michael ang naging dahilan para balutin ako ng panibagong takot at kalungkutan.


A/N

Salamat po sa mga naghintay ng update!

Para po sa ’yo ang chapter na ito,

lith23

! Maraming salamat sa patuloy na pagbabasa maging sa iba ko pang mga kuwento. 😘

May mga nagtatanong kung kailan ang ending nito? Kung nalalapit na ba? Well, good news! Hindi ko po kasi sasagutin iyan dahil gusto kong masorpresa kayo. Sorrna! Labyu!

Salamat po sa mga patuloy na bumoboto at masipag magkomento! Kayo ang dahilan kung bakit ginaganahan akong ituloy itong kuwento. Nabubuhayan ako sa maiksi o mahaba ninyong mensahe rito. Salamat po! 😘

’Til next chapter na lang po!

–– cold_deee ❤

08.27.2018

Chapter 25

Puwede n’yo po i-play ang nasa media kung feel n’yo. (Song title: Too Hard To Say Goodbye - By: Westlife)

  ![](https://img.wattpad.com/c8c2b770de02422ccce2f4fc53140cd91fda994e/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f53385a7141734b555862596e4c513d3d2d3632313435333232322e3135353130303766346635633763343939333837353731373336332e6a7067)

FRANCE POV

Hindi ko na kaya pang kontrolin ang aking mga luha na dumaloy nang tuloy-tuloy. Sinasabayan din ng aking malakas na pag-iyak ang mabilis kong pagtakbo habang hawak ang kama na de-gulong. Halos hindi na ako makahinga nang maayos habang pinagmamasdan ang batang nakahiga ngayon sa kama na aming itinutulak para sa ospital ay makapasok.

“M-marl… ’Wag naman ganito… Idilat mo ’yang mga mata mo…” pakiusap ko sa kanya simula pa kanina.

Sa kabila ng mabibilis naming pagkilos ay tila ba lalo pang bumabagal ang takbo ng oras. Natatakot ako. Natatakot ako sa maaaring mangyari sa batang itinuring ko nang sariling anak ko.

Nilingon ko ang mga nakapaligid sa amin. Bukod sa ilang mga taong nakaputi, kasabay ko sina Oliver at Kuya Michael na itinutulak ang hinihigaan ni Marl. Bakas din sa kanilang mga mukha ang labis na pag-aalala. Naroroon din ang mga luhang kahit pigilan ay pilit pa ring kumakawala. Sa amin namang likuran ay sina Ate Aning na karga si Kryz at si Ate Loca na patuloy sa aming sumusunod. Sa kanilang mga mukha ay naroroon din ang matinding takot. Tulad ko, hindi na rin nila nakontrol ang mga sarili na humagulgol.

Hindi ko alam kung saang kwarto kami tutungo. Ang malinaw lang sa akin ay kailangang maagapan si Marl ngayong hirap na hirap sa paghinga ito.

Halos hindi ko makayanang tingnan si Marl sa kanyang kalagayan. Maputla ang kanyang buong mukha at hindi magawang idilat ang mga mata. Mayroong nakatakip na bagay sa kanyang bibig na siyang tumutulong upang siya ay makahinga, ngunit habang pinagmamasdan ko ang bagay na iyon, tila ba nawawalan din iyon ng silbi dahil sunod-sunod pa rin ang malalalim niyang paghinga. Patuloy pa rin siyang nakikipaglaban sa sakit niyang hika.

“Hanggang dito na lang kayo sa labas ng emergency room! Ako na lang ang papasok sa loob!” pagpigil sa amin ni Kuya Michael nang marating namin ang isang pintuan sa loob ng ospital. Agad din na ipinasok ng mga taong nakasuot ng puti ang kamang de-gulong kung saan nakahiga pa rin si Marl.

“Sasama ako, Michael! Papasukin mo ako! Gusto kong mailigtas ang anak ko!” sigaw naman ni Oliver.

Sinubukan ni Oliver na makapasok sa kwarto kung saan ipinasok si Marl, ngunit naging maagap si Kuya Michael para siya ay pigilan. Mahigpit niyang hinawakan sa isang braso si Oliver bago ito hinila pabalik sa dati nitong kinatatayuan.

“Sinabi kong ako na!” sigaw rin pabalik ni Kuya Michael kay Oliver.

Tila ba nawala sa sarili si Oliver dahil bigla na lamang humagulgol ito. Nasabunutan din nito ang kanyang sarili at kumilos nang paikot-ikot sa kanyang pwesto.

“Michael, ang anak ko… G-gusto kong mailigtas ang anak ko… Please… Papasukin mo ako sa loob…” pagmamakaawa ni Oliver.

Habang pinapanood namin sila ay lalo lamang bumibigat ang atmospera dito sa loob ng ospital. Lahat kami ay nagnanais na mailigtas si Marl. Kung may kakayahan lang din sana ako tulad nila, kahit ako ay gugustuhing pumasok sa loob para maisalba ang kawawang bata.

Nasa ganoon kami kagulong tagpo nang may lumabas na isang babae mula sa kwarto kung saan ipinasok si Marl. Ang babaeng iyon ay isa sa mga kasama naming tumutulak kanina sa hinihigaan nito. May hawak itong mahabang kasuotang puti at agad na umalalay para ipasuot iyon kay Kuya Michael.

“Director, ready na po ang lahat. Pumasok na po tayo sa loob.” kalmadong pakiusap ng babae kay Kuya Michael.

Sinagot naman ni Kuya ang babaeng iyon ng isang pagtango. Kasunod nito ay hinarap niya si Oliver. Ipinatong niya muna ang kanyang isang kamay sa balikat nito bago nagsalita sa mahinahong tono.

“Oliver, kailangan mo akong pagkatiwalaan. Pamangkin ko si Marl at alam mong hindi ko hahayaang may mangyaring hindi maganda sa kanya. Dito ka na lang. Sa sitwasyon mo ngayon, baka lalo ka lang sa amin makaabala. Intindihin mo sana iyon. Maiwan ka na lang dito sa labas para samahan sila.” mahaba nitong pakiusap kay Oliver.

Dahil sa naging pakiusap ni Kuya Michael ay walang nagawa si Oliver. Nakikita kong labag sa kanyang kalooban ang maiwan kasama namin dito, ngunit naroroon din na inuunawa niya ang sitwasyon.

Matapos ang senaryong iyon ay katahimikan na ang sumunod. Iyon na rin ang naging hudyat ni Kuya Michael para pumasok na siya sa loob. Ngunit bago niya pa kami tuluyang talikuran, hinabol ko si Kuya Michael para hawakan ito sa kamay.

“K-kuya… Kuya, si Marl… Pakiusap… Iligtas mo siya…” nahihirapan kong pagsasalita na tila humihingi ng saklolo sa kanya.

Marami pa sana akong nais sabihin, ngunit tila ba naubos na ang lahat ng salitang alam ng aking isip.

Naroon pa rin ang pang-unawa sa mukha ni Kuya Michael nang hinarap niya ako. Isang tipid na ngiti ang kanyang pinakawalan bago ipinatong ang isa niyang palad sa aking ulo.

“I will… Kung kinakailangang ibigay ko ang sariling buhay para kay Marl, hindi ako magdadalawang-isip.” sagot nito sa akin.

Dahil sa mga binitiwang salita ni Kuya Michael ay nagawa kong ibigay ang aking buong tiwala sa kanya.

“S-salamat… Salamat, Kuya…” naging kasagutan ko lamang pabalik habang tumatango sa kanya.

Matapos ang maikli naming pag-uusap na iyon ay agad nang pumasok si Kuya Michael sa tinawag niyang emergency room kanina. Naiwan kami nina Oliver, Kryz, Ate Aning at Ate Loca rito sa labas.

“Daddy….” umiiyak na pagtawag ni Kryz sa kanyang ama. Kasunod nito ay tinakbo niya si Oliver at niyakap sa napakahigpit na paraan. “D-daddy, si Marl… S-si… Si Marl, Daddy… Si Marl…” pagsusumamo pa nito.

Pinanood ko lamang ang malungkot na kaganapan sa kanila. Kung paano umiyak nang napakalakas ni Oliver ganoon din ang kanyang panganay.  Napaupo sila sa nakahilerang mga silya rito sa labas na tila iyon lang ang tangi nilang sandigan.

“Ssshhh… He’ll be fine… Si Tito Michael ang bahala sa kanya… Marl will be fine…” pagpapakalma ni Oliver habang hinahaplos ang likod ng kanyang panganay.

Nakaramdam ako ng panghihina habang pinagmamasdan silang dalawa. Napaupo ako sa isang upuan na nasa kanilang tapat. Kinailangan ko itong gawin dahil tila ba nauubusan na ako ng lakas.

Ngayon ko lang nakita sina Oliver at Kryz na ganitong naghihirap. Sila lamang dalawa ang nagdadamayan dahil ang isa sa kanila ay nakikipaglaban sa sariling buhay. Naroroon sa loob ng emergency room ang pinakamahalagang tao sa kanila. Naroroon ang taong lakas at kahinaan nila. Naroroon si Marl at walang kasiguraduhan kung ito ba ay makakaligtas.

Ngayon ay hindi ko maiwasan na lalong sisihin ang aking sarili. Hindi naman ito ang inaasahan kong magiging resulta. Ginagawa ko lang naman ang sa tingin ko ay tama. Kailangan kong lumayo dahil hindi ako nabibilang sa kanilang pamilya. Dapat ko nang ituwid ang isang pagkakamali kahit pa ang kapalit nito ay pagguho ng aking mundo.

May katagalan din kami sa ganoong tagpo. Nanatili lamang ako na sa dalawa ay nanonood. Sinasabayan ang kanilang pag-iyak habang paulit-ulit na nagdadasal sa isip ko.

Ilang sandali pa lamang ay lumapit sa akin sina Ate Aning at Ate Loca. Umupo sila sa aking tabi at saglit akong niyakap. Marahil ay nakita nilang nag-iisa ako at walang karamay. Naisipan nilang dalawa na palakasin ang aking loob sa kabila ng kanilang patuloy na pag-iyak.

“K-kuya… Magiging maayos din ang lahat… ’Wag ka na pong umiyak… Makakasama rin ’yan sa ’yo…” pagpapakalma sa akin ni Ate Loca habang hinahaplos ang aking likod.

Naninikip ang aking dibdib kaya hinawakan ko ito. Nahihirapan akong huminga dahil sa pinaghalong lungkot at pagsisisi ko.

Ang mga taong nasa tabi ko ngayon, wala pa rin silang ideya na ibang tao ako. Ito ang iniiwasan ko, ang patuloy na lokohin ang mga taong nagpakita sa akin ng malasakit sa loob ng mahabang panahon.

“Kuya, naman… Tahan na… Makakaligtas si Marl… Hindi mo siya puwedeng sabayan sa hika niya… Please, naman, Kuya…” pakiusap din ni Ate Aning sa akin at hinawakan ang aking kamay.

Sinubukan kong ibuka ang aking bibig para sana sila ay pakalmahin din. Wala naman silang dapat na ipag-alala sa akin dahil wala akong sakit. Hindi naman kasi ako ang kanilang amo. Hindi ako si Weldy na inaakala ng mga ito. Ngunit bago pa ako makapagsalita ay natigilan ako nang humarap sa akin si Kryz na kalong ni Oliver sa mga oras na ito.

“B-bakit… B-bakit nandito ka pa..?” humihikbi nitong tanong sa akin. “Bakit nagpunta ka pa?! Iiwan mo na kami, ’di ba?! Hindi na kami mahalaga sa ’yo, ’di ba?! Ayaw mo na sa amin, ’di ba?! Hindi mo na kami mahal, ’di ba?! Bakit nandito ka pa?!” sunod-sunod pa nitong pagsigaw sa akin.

Nabigla ako sa paraang iyon ng pagtatanong sa akin ni Kryz. Nababasa ko sa kanyang lumuluhang mga mata ang labis na hinanakit.

Gusto kong magsalita at tutulan ang mga paratang niya, ngunit tanging pag-iling lang ang aking nagawa habang lumuluha.

Agad naman na inawat ni Oliver si Kryz. Niyakap niya ito at muling hinaplos ang likod.

“Kryz… Calm down… ’Wag mo siyang sisihin, please..? Wala siyang kasalanan…” pakiusap ni Oliver kay Kryz.

Ibinalik naman ni Kryz ang tingin sa kanyang ama ngunit walang nagbago sa kanyang ekspresyon, naroroon pa rin ang matinding galit.

“No, Daddy! Siya ang may kasalanan kung bakit nandito si Marl! He’s such a jerk! I don’t want to see his face! Once again, dinala si Marl dito dahil sa kanya! I hate him, Daddy! And I will hate him for the rest of my life!” galit na galit na sigaw ni Kryz habang dinuduro ako.

Naitakip ko ang aking mga kamay sa bibig ko. Kasunod nito ay mas bumuhos pa ang mga luha ko.

‘Diyos ko, ano ba itong nagawa ko? Ano ba ang mali sa naging desisyon ko? Gusto ko lang naman itama ang mga pagkakamali ko. Bakit kailangang umabot kami sa puntong ito?’

“Kryz, listen to me… Wala siyang kasalanan, okay..? A-ako… Ako ang may kasalanan… P-please, ’wag mo siyang sisihin…” pakiusap pa rin ni Oliver sa kanyang anak habang hawak ang magkabilang pisngi nito.

Niyakap ni Kryz si Oliver nang napakahigpit.

“D-daddy… Si Marl… Kawawa naman ang kapatid ko… H-he just wants to be happy with Papa… Gusto niya lang po mag-stay si Papa… Pero iiwan pa rin kami ni Papa…” muling paghagulgol ni Kryz.

Sa mga oras na ito, parang gusto ko na lamang maglaho. Alam ng Diyos kung gaano sila sa akin kahalaga. Alam Niya kung gaano ko sila kamahal. Kung kaya ko lang na magkapalit kami ng sitwasyon ni Marl, mas gugustuhin ko pa ang bagay na iyon. Tutal naman ay wala akong pamilya na naghihintay sa akin, sa tingin ko ay walang maghihirap na mawala ako. Mas nanaisin ko pang matapos na rin ang pangungulila ko. Napapagod na rin naman ako. Pagod na pagod na akong maghintay sa isang pangarap na hindi rin naman magkakatotoo.

Nagpatuloy kami sa paghihintay mula sa labas ng kwarto kung nasaan si Marl. Sa bawat minutong lumilipas ay wala rin akong tigil sa pagdarasal. Paulit-ulit din akong nangako sa Diyos na sa oras na makaligtas si Marl, tatanggapin ko kung anoman ang magiging kapalit nito.

Dumaan ang mahigit dalawang oras hanggang sa biglang bumukas ang pintuan ng kwarto. Lahat kami rito ay napatayo mula sa pagkakaupo nang lumabas si Kuya Michael mula roon. Magkakatabi kami nina Ate Aning at Ate Loca habang karga pa rin ni Oliver ang umiiyak na panganay nito.

Mabilis ang tibok ng aking puso habang naghihintay sa ibabalita ni Kuya Michael na ngayon ay pawisan ang noo. Seryoso ang kanyang ekspresyon nang kami ay harapin nito.

Wala sa amin ang makapagsalita. Lahat kami ay naghihintay lamang sa sasabihin ni Kuya Michael na ngayon ay tinitingnan kami nang bawat isa.

“S-si Marl….” nauutal na panimula ni Kuya Michael.

Katahimikan pa rin ang namayani sa amin. Gustuhin man namin ang makapagtanong ay tila ba nawalan na rin kami ng boses.

“Ligtas na siya. Ligtas na ang pamangkin ko.” pagpapatuloy ni Kuya Michael at ngumiti nang napakatamis sa dulo.

Nang marinig namin iyon ay nagbalik kaming lahat sa pag-iyak. Ngunit hindi tulad kanina, luha na ng labis na tuwa ang aming inilalabas.

Mahigpit na nayakap ni Kryz ang kanyang Daddy habang umiiyak pa rin ito. Pareho silang mag-ama ang napangiti sa kabila ng kanilang mga luhang patuloy na bumubuhos.

Ilang sandali pa ay nilapitan ako ni Kuya Michael. Ipinatong niya ang kanyang isang kamay sa aking ulo at tinapik-tapik nang bahagya ito.

“Ililipat lang muna namin siya sa private room. Puwede n’yo na rin siyang puntahan doon.” nakangiti nitong pagbabalita sa amin.

Wala akong maitugon sa kanya kundi ang matamis na ngiti. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko magawang magsalita. Naisin ko man na gawin iyon ay nakakaramdam ako sa kanila nang labis ba hiya.

May ilang minuto rin kaming naghintay hanggang sa ilabas nila si Marl para ilipat ng kwarto. Nang makita ko ito, halos madurog din ang aking puso. Natutulog ito habang naroroon pa rin ang bagay sa kanyang bibig para makahinga nang maayos ito. Ngunit ang mas nakakapanlumo ay ang makitang may swero na ang braso nito.

Gusto kong parusahan ang aking sarili dahil sa nakikita ko kay Marl. Kilala ko na siya. Takot siyang masugatan. Takot siya sa kahit anong bagay na matulis gaya ng karayom. Kaya labis na lamang ang aking pagsisisi nang makita ko ang mga bagay na iyon na nakakabit sa kanyang katawan.

Malalim na ang gabi nang tuluyan kaming mapanatag lahat. Nailipat na si Marl sa mas malaking kwarto kaya lahat kami ay nagkasya roon. Naunang lumapit ang mag-amang Oliver at Kryz sa kanilang bunso. Paulit-ulit nila itong kinakausap sa masiglang boses sa kabila ng kanilang lungkot. Marami silang ipinangako. Mga bibilhin at pupuntahan sa oras na magising ito. Ganoon din sina Ate Aning at Ate Loca na pilit nagbibiro at nilalaro ang bata kahit pa natutulog ito.

Lahat ng iyon ay napapanood ko lamang. Lahat iyon ay napapakinggan ko lamang dahil naiwan ako sa isang sofa na nasa loob lang din nitong kwarto.

Gustuhin ko man na lumapit ay naduduwag ako. Sa mga binitiwang salita kanina ni Kryz, pakiramdam ko ay wala akong mukhang maihaharap sa kapatid nito. Kasalanan ko naman talaga kung bakit naririto si Marl. Ako ang dapat na sisihin kung bakit naghihirap ang kanilang kalooban.

Lumipas pa ang mahabang oras hanggang sa pumasok si Kuya Michael. Kanina ay saglit siyang umalis dahil may mga kailangan daw siyang ayusin na mga record para kay Marl. Masinsinan niya munang kinausap si Oliver at kasunod nito ay kinumbinsi niya si Kryz na doon muna matulog sa kanyang bahay. Hindi naman tumanggi ang bata dahil makakasama roon niya  sina Ate Aning at Ate Loca. Nangako rin naman si Kuya Michael na bukas na bukas din ay ihahatid dito ang kanyang pamangkin para mabantayan ang bunsong kapatid nito.

Nang makaalis sina Kuya Michael ay naiwan kami ni Oliver dito sa loob. Hinayaan niya akong malapitan si Marl kaya naman agad akong nagtungo sa tabi ng hinihigaang kama nito. Sa kabilang bahagi naman ng kama ay naroon din si Oliver. Hawak niya ang isang kamay ni Marl habang tinititigan din ito.

Katahimikan lamang ang namayani sa loob ng kwarto. Hawak ko rin ang maliit na kamay ni Marl at paminsan-minsan kong hinahaplos ang kanyang buhok.

Nagbalik ako sa pag-iyak habang pinagmamasdan ang kawawang musmos. Sa kabila ng pagkakahimbing niya, bakas pa rin ang kanyang labis na kalungkutan. May mumunti pa siyang mga luha kahit pa nakapikit ang kanyang mga mata.

Dahil dito ay muli akong nakaramdam ng panghihina. Naninikip na naman ang aking dibdib habang pinagmamasdan si Marl. Dahan-dahan ay yumuko ako para halikan ang kanyang noo.

Ibang-iba si Marl ngayon. Noon, sa tuwing pinagmamasdan ko itong natutulog ay paminsan-minsan pang ngumingiti ito. Tila ba kahit sa kanyang panaginip ay puro masasayang kaganapan lamang ang naroroon. Tuwing nakikita ko nga iyon, napapangiti rin ako dahil para siyang anghel na nasa harap ko.

Pero sa sitwasyon niya ngayon, wala akong ibang makita sa kanya kundi ibayong lungkot. Paminsan-minsan na nangungunot ang kanyang noo na tila nagkakaroon siya ng isang bangungot. Napapangiwi rin ang kanyang labi na tila nagbabadya sa pag-iyak na naman ito.

“S-sorry… Sorry, Marl…” paulit-ulit na bulong ko lang sa kanya. Patuloy pa rin akong nagsisisi dahil sa kinahinatnan niya.

Sana ay naririnig niya ako. Sana ay nararamdaman niya ang labis na pagsisisi ko. Sana, sa ginagawa kong paghaplos sa kanyang kamay at pisngi ay mapanatag ko ang kalooban nito.

Hindi ko ito gusto. Ano ba ang dapat kong gawin para hindi na mangyari ito? Kung may iba pa sanang paraan para maiwasan ito, handa kong gawin iyon. Pero ano? Ano ang natitirang paraang iyon?

Naguguluhan na ako. Gulong-gulo na ako.

Ilang beses ko pang kinausap si Marl habang magkalapit ang aming mukha. Paulit-ulit din akong humingi sa kanya ng tawad.

Hindi ko alam kung gaano na ako katagal sa ganoong tagpo. Wala nga sana akong balak itigil iyon ngunit nasorpresa ako nang biglang umiyak si Marl at niyakap ang leeg ko.

“P-papa… Papa ko… ’Wag ka pong umalis, Papa ko… Dito ka lang po… ’Wag mong iwan si Marl… Papa ko…” paulit-ulit niyang pakiusap habang nakapikit ito.

Bigla akong nataranta dahil sa nangyayari sa kanya. Agad ko siyang niyakap at pilit na kinakalma. Nakaramdam ako ng ibayong takot dahil tila nagsisimula na naman ang pagsumpong ng kanyang hika.

Hinanap ng aking mga mata si Oliver at natagpuan ko itong natataranta. Lumapit siya sa isang mesa na malapit sa kama at doon ay may kinuha.

“D-diyan ka lang muna, France… ’W-wag mo siyang bitiwan… Nananaginip siya…” pakiusap ni Oliver at nagsimula na naman lumuha.

Sinunod ko ang kanyang utos. Mas hinigpitan ko ang pagyakap kay Marl habang naghihintay sa magiging hakbang ng ama nito.

“P-papa… ’W-wag… ’Wag mong iwan si Marl… Papa… P-papa… ko…” mas malakas pang pag-iyak ni Marl habang sinisinok ito.

Nakita kong isang pangturok ang kinuha ni Oliver mula sa mesa. Marahil ay gagamitin niya iyon kay Marl ngunit tila nauunahan siya ng pagkataranta. Nanginginig ang kanyang mga kamay at kahit ang alisin mula sa pagkakabalot ang karayom na naroon ay hindi niya magawa.

“Oliver, bilisan mo…” pakiusap ko na sa kanya.

Sa halip na sagutin ako at mas pagbutihin pa ang kanyang ginagawa ay tila ba lalo siyang nataranta. Nabitiwan niya ang kanyang hawak hanggang sa mapunta iyon sa ilalim ng kama.

Nasa ganoon kaming tagpo nang biglang bumukas ang pintuan nitong kwarto.

“K-kuya… Kuya Michael… Si Marl…” umiiyak ko nang paghingi ng saklolo sa taong pumasok. Mukhang kababalik niya lamang mula sa paghatid kay Kryz sa kanyang bahay.

Agad naman na kumilos si Kuya Michael at nagtungo sa mesa na nasa tapat ni Oliver.

“Umatras ka muna, Oliver! Ako na!” mariin na utos ni Kuya Michael sa kanya.

Agad naman na sumunod si Oliver. Umatras ito nang bahagya para bigyang daan si Kuya Michael. Wala siyang nagawa kundi ang panoorin na lamang ang kanyang bayaw kung paano muling gagamutin ang kanyang bunso.

Sa kabila ng pag-aalala ni Kuya Michael ay pinilit nitong maging kalmado. Kumuha ito ng panibagong karayom na pangturok at nilagyan ng gamot ito. Ilang sandali pa ay inilagay niya rin iyon nang dahan-dahan sa suwero ni Marl.

“P-papa ko… P-papa…” patuloy pa rin na pag-iyak ni Marl habang nakapikit pa rin ang kanyang mga mata.

Wala akong nagawa kundi ang yakapin lamang nang mas mahigpit ang maliit na katawan ng bata.

“Ssshhh… T-tahan na, anak… Tahan na…” naging sagot ko lamang sa kanya habang lumuluha.

Hindi ko na napigilan ang muli siyang ariin bilang akin. Kung ang pagtawag ko sa kanyang ‘anak’ ang tanging paraan upang siya ay makaramdam ng kapanatagan, sasabihin ko pa iyon nang paulit-ulit.

Ilang sandali pa ang kinailangan naming hintayin hanggang sa umepekto kay Marl ang itinurok dito na gamot. Mula sa malakas niyang pag-iyak ay unti-unting naging mahina ito. Tila ba nawalan din siya ng lakas dahil lumuwag na rin ang pagkakayakap niya sa leeg ko.

“Makakatulog na ulit siya dahil sa binigay kong pampakalma. Ayusin na lang natin ulit ang pwesto niya.” mahinahon na utos ni Kuya Michael makalipas ang ilang minuto.

Hindi naman ako nagpakita ng pagtutol sa kanya. Dahan-dahan ay binitiwan ko si Marl at inayos ang pagkakahiga niya. Nang mapagmasdan kong muli ang mukha ni Marl ay hindi ko naiwasan ang mas makaramdam ng awa. Naroroon pa rin ang kanyang mga luhang patuloy sa dumadaloy. Sinisinok pa rin siya dahil sa ginawang pag-iyak at tila ba mas lalo siyang nahihirapang huminga ngayon.

“Sorry, anak… S-sorry…” paghingi ko na naman ng tawad sa kanya habang pinupunasan ang mga luha nito.

Narinig ko rin ang mga paghikbi ni Oliver. At habang napapakinggan ko ang mga paghikbi niyang iyon ay lalo lamang akong nakakaramdam ng pagsisisi.

Hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili — Bakit hindi ako magawang sumbatan ni Oliver sa kabila ng mga nangyayari? Ako ang sanhi kung bakit nagkakaganito ang kanyang anak, pero kahit isang beses ay hindi niya ako sinisi. Ang tangi niya lamang nagagawa ay umiyak nang paulit-ulit.

Ilang minuto pa kami sa ganoong tagpo nang muling magsalita si Kuya Michael.

“Oliver, France,” pagtawag nito sa amin.

Dahan-dahan ay nilingon namin siya ni Oliver at naghintay sa kanyang sasabihin.

“Alam kong hindi pa kayo tapos mag-usap. Alam ko rin na marami pa kayong dapat na ipaliwanag sa isa’t isa. Kung puwede sana, i-consider n’yo naman ang mga bata. ’Wag naman kayong magpadalos-dalos. Hindi lang naman kayo ang involve dito. Sana, iniisip n’yo rin ang mararamdaman ng mga pamangkin ko. Nasasaktan din sila. Sana naman, kung ano ang mapagdesisyunan n’yo, siguraduhin n’yong hindi sila mauuwi sa pagiging ganito.” saad ni Kuya Michael sa nakikiusap niyang tono.

Nakaramdam ako ng hiya sa sinabi niyang iyon. Tama naman siya, hindi ko pinagtuunan ng pansin kung ano ang tunay na mararamdaman ng mga bata. Sarili ko lang ang inisip ko. Sariling pananaw ko lang ang sinunod ko. Sana pala, hindi ako nagpabigla-bigla ng desisyon. Sana pala, kinausap ko si Oliver nang mas mahinahon.

Wala sa amin ang nakasagot ni Oliver. Sa tingin ko, maging si Oliver ay nakaramdam ng pagsisisi sa sinabing iyon ni Kuya Michael.

May ilang segundong katahimikan ang lumipas nang marinig ko ang pagbuntong-hininga ni Kuya Michael.

“Maiwan ko muna ulit kayo rito para makapag-usap dito. Lalabas lang din muna ako para bumili ng makakain. Kahapon pa yata walang laman ang mga sikmura n’yo.” pagpapaalam muli nito. “At sana, sa oras na makabalik ako, may magandang resulta na ang pag-uusap ninyo.” dugtong pang pakiusap nito.

Tanging marahang pagtango lang ang aking naitugon habang nakayuko. Mukhang sumang-ayon din naman si Oliver dahil napansin ko ang pagtapik ni Kuya Michael sa balikat nito. Kasunod din no’n ay dahan-dahan nang lumabas si Kuya Michael sa kwartong ito.

Bumalik ang katahimikan sa buong kwarto. Ang tanging maririnig lamang dito ay ang tunog ng aparato na nakakabit kay Marl upang makita ang kanyang pulso.

Hindi ko alam kung paano sisimulan ang pag-uusap naming ito ni Oliver. Umaasa na lamang ako na sana, sakaling magsimula ito, maging maganda ang kalalabasan nito.

May ilang minuto pa ang lumipas hanggang sa bumalik si Oliver sa kanina niyang puwesto. Sa kabilang bahagi ng hinihigaan ni Marl ay muli siyang umupo.

Unti-unti ay nilingon ko siya. Nakatitig siya ngayon sa kanyang bunso habang suot ang malungkot na ekspresyon nito.

“H-hindi ko na alam ang gagawin ko, France… Nahihirapan na ako… Ito na yata ang kabayaran ng naging kasalanan ko sa ’yo…” panimula nito at pinahid ang kanyang luha gamit ang braso nito.

Tila isang batang paslit ngayon si Oliver. Sa mahigit isang taon na nakasama ko siya, ngayon ko lang nasaksihan ang kanyang paghihirap. Kailanman ay hindi siya nagpakitang mahina kahit pa noong nasa kalagitnaan siya ng paghahanap sa dating asawa. Pinilit niyang maging normal sa harap naming lahat lalong-lalo na sa kanyang mga anak.

“Alam ko namang malaki ang pagkakamali ko lalo na sa ’yo, France… Pero bakit kailangang pati ang mga anak ko, magsakripisyo..? S-sana… Sana, ako na lang… Sana, hindi na sila nadamay…” paninisi pa nito sa kanyang sarili.

Sa mga binitiwan niyang salita ay nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob na magsalita.

“H-hindi lang naman ikaw ang may kasalanan, Oliver… Ako… Ako ang mas malaki ang pagkakamali rito… Sinamantala ko ang mga pagkakataon… Patawarin mo ako… P-patawarin mo ako sa mga nagawa ko…” pag-amin ko rito.

Umiling si Oliver na tila hindi sang-ayon sa sinabi ko.

“Hindi, France… Ako ang naging mapagsamantala rito… A-akala ko… Akala ko, kaya kong panindigan ang lahat… Pero sa bawat araw na lumilipas sa loob ng mahigit isang taon… Naramdaman ko na ang unti-unti kong pagkatalo… Nagpadala ako… Kaya heto, patong-patong din ang parusa ko… Iiwan mo ako… At pakiramdam ko, lalayo na rin ang loob sa akin ng mga anak ko…” pag-amin din nito pabalik at hindi na napigilan ang humagulgol.

Parang libo-libong karayom ang tumutusok sa puso ko. Ang bawat salitang binitiwan ni Oliver ay tila apoy na tumutupok sa buong pagkatao ko. Ramdam ko ang labis niyang panghihinayang at pagsisisi. At kahit naririto pa kami ni Marl sa kanyang tabi, ramdam ko ang maaga niyang pangungulila sa paglayo namin.

Hindi ko na alam ang aking ginagawa. Lubha na akong naguluhan. Ang tanging naaalala ko na lang ay dahan-dahan kong inabot ang isang kamay ni Oliver na nasa ibabaw ng katawan ni Marl upang mahawakan.

“S-sorry, Oliver… Sorry sa mga nagawa ko sa ’yo… Sorry sa mga nagawa ko sa inyo…” paghingi ko na naman ng tawad sa kanya.

Gamit ang isa niya pang kamay ay pinunasan nito ang kanyang mga luha. Kasunod nito ay tiningnan niya ako nang tuwid sa mga mata.

“W-wala na ba talagang pag-asa, France..? Wala na ba talagang pag-asa na maayos natin ’to..?” tanong niya sa pagitan ng kanyang pag-iyak.

Hindi ko nagawang sumagot. Ang tangi ko lang nagawa ay lumuha habang pinagmamasdan ang nakikiusap niyang mga mata.

“A-akala ko… Akala ko, France… Sa oras na sabihin ko ang totoo sa mga anak ko, maibabalik ko ang dating tayo… K-kaya nga… Kaya nga kahit alam kong mangyayari ’to, sumugal ako… Kahit alam kong puwedeng mapahamak si Marl, sinubukan ko… Ginawa ko ’yon para lang mapatunayan sa ’yo na handa kong ituwid ang lahat… Pero mali pala ako… Desidido ka pa rin akong iwan… Desidido ka pa rin iwan kahit ang mga anak ko…” pagtatapat sa akin ni Oliver.

Muli ay hindi ako nakaimik. Ang tanging nagawa ko lamang ay hawakan nang mahigpit ang kanyang kamay na nakapatong sa katawan ni Marl. Ipinararating ko sa mahigpit na paghawak sa kanya ang mga mensaheng hindi ko kayang maisatinig. Kung gaano ako nahihiya sa kanya. Na hindi ako karapat-dapat na alayan ng sakripisyong tulad ng ginawa niya.

Ilang segundo pa ang lumipas hanggang sa muli na naman siyang magsalita.

“France…”

Nang tawagin niya ang aking pangalan ay muli kong naiangat ang aking ulo para magtama ang paningin naming dalawa.

“Minahal mo ba talaga ako..?”

Nang marinig ko iyon ay nanlaki ang aking mga mata. Sa dami ng naging tanong niya sa akin, ang bagay na iyon ang labis kong ikinabigla.

“O-oliver…”

Ang tanging pagbanggit lamang sa kanyang pangalan ang aking nagawa.

“Sagutin mo ako… Minahal mo ba talaga ako..?” pag-uulit niya sa kanyang tanong.

Hindi ako makapaniwala. Sa mahigit isang taon na kami ay magkasama, ngayon pa siya nagkaroon ng pagdududa.

Kung pagmamahal lang din naman ang pinag-uusapan, sigurado ako sa aking nararamdaman. At kahit unang beses ko pa lamang nararanasan ito, siguradong-sigurado ako — mahal na mahal ko ang taong ito.

“Kasi, France… K-kung ako ang tatanungin mo, walang duda, mahal kita… Hindi ako mapapagod na sabihin nang paulit-ulit ’yon sa ’yo… Hindi ko kayang mabuhay nang wala ka… Sa bawat araw na gigising ako, ikaw na ang iniisip ko… Wala nang mas hihigit pa sa ’yo… Handa kong gawin ang lahat para sa ’yo…” paglalahad nito at saglit na tumigil para pahirin ang kanyang mga luha.

Naikagat ko ang aking ibabang labi. Kinailangan kong gawin ang bagay na iyon dahil pakiramdam ko ay sasabog na ang aking dibdib.

“K-kaya nga… Kya nga ako nasasaktan tulad nito, dahil pakiramdam ko hindi mo nakikita ang bagay na ’yon… A-akala ko… Akala ko, magiging sapat na ang sinasabi mo noon sa akin na mahal mo ako para ipaglaban mo rin ako… Pero mali pala ako… Handa mo pa rin akong iwan sa kabila ng mga ipinakita kong pagmamahal sa ’yo…” pagpapatuloy pa nito at muli na namang humagulgol.

Nagbalik sa akin ang mga sandaling sinasabi ni Oliver. Ang mga araw kung paano niya ako pinasaya. Ang mga araw kung paano niya pinaramdam sa akin ang pagmamahal niya.

Aaminin ko, nagkaroon ako ng malaking pagdududa sa kanya nang malaman ko ang malaking sikreto niya. Pero napag-isip-isip ko rin, kung talagang purong pagpapanggap lang ang lahat, hindi rin iyon magiging madali para sa kanya.

Sa bawat araw na lumilipas na magkasama kaming dalawa, tanging kabutihan lamang ang ipinakita niya. Sa bawat sandaling sasabihin niyang mahal niya ako, ramdam ko ang senseridad ng mga salita niyang iyon. Kailangan ko pa bang pagdudahan ang bagay na iyon? Kailangan ko pa bang kwestyonin ang lahat kung hindi naman siya nagkulang sa pagpapakita nito?

“O-oliver… N-natatakot kasi ako…”

Sa wakas ay nagawa kong sabihin ang totoong nararamdaman ko.

Nakita kong nangunot ang kanyang noo.

“Natatakot..? Saan, France..? Saan ka natatakot..?” sunod-sunod niyang tanong.

Isang malalim na pagbuntong-hininga ang aking pinakawalan bilang paghahanda. Tiningnan ko rin siya nang tuwid upang isiwalat ang lahat.

“Marami akong kinatatakot… Habang kasama ko kayo, naiisip ko ang mga bagay na isinakripisyo para sa akin ni Weldy… Nakokonsensiya ako sa kakambal ko… Pakiramdam ko… P-pakiramdam ko, inagaw ko kayo sa kanya… Pakiramdam ko, kinuha ko ang mga bagay na mahalaga sa kanya… Pakiramdam ko, pinagtaksilan ko siya kahit hindi ko sinasadya… Pakiramdam ko, umiiyak siya habang pinapanood niya tayo… Iyon ang bagay na gumugulo sa akin kaya nakapagdesisyon akong iwan kayo… Hindi kayo akin… Hindi ko kayo pag-aari…” mahaba kong pagbubunyag sa pagitan ng aking paghikbi.

Natigilan si Oliver sa aking mga sinabi. Ilang segundo lang siyang nakatingin sa akin na tila may malalim siyang iniisip.

“France, hindi mo pa kilala si Weldy…” bigla nitong pagsasalita makalipas ang ilang sandali. Kasunod nito ay unti-unti siyang ngumiti.

Dahil sa kanyang ipinakita ay bahagya akong nagtaka.

“A-anong ibig mong sabihin..?” tanong kong nauutal sa kanya.

Hindi agad na sumagot si Oliver. Nakita ko kung paano mas lumawak ang kanyang pagkakangiti sa kabila ng kanyang mga luha. Kasunod nito ay dahan-dahan niyang ginantihan ang pagkakahawak sa aking kamay na nasa ibabaw ng katawan ni Marl.

“Si Weldy, siya ang taong kayang magsakripisyo para sa mga minamahal niya. Napakabuti niyang tao dahil lahat ng malalapit sa kanya, pinahahalagahan niya. Iyon din ang dahilan kung bakit marami ang nagmamahal sa kanya.” pagtatapat nito sa kung ano ang katangian ng aking kakambal.

Nang marinig ko ang mga bagay tungkol sa aking kakambal, unti-unti akong nakaramdam ng kapayapaan. May kung ano rin sa aking sarili na gusto ko pang marinig ang marami niyang katangian. Gusto ko siyang makilala nang lubusan kahit pa wala nang pag-asa na kami ay magkita sa personal.

Muling ngumiti si Oliver at mas hinigpitan ang pagkakahawak sa aking kamay.

“Ang dahilan kung bakit agad ka rin sinundan ni Weldy sa bahay-ampunan, gusto niyang maranasan mo ang magkaroon ng buong pamilya. Gusto niyang maramdaman mo na may halaga ka. At kung nakikita man niya tayo ngayon, sigurado ako, masayang-masaya siya. Dahil sigurado rin ako, ayaw niyang nalulungkot ang mga iniwan niya. At kung may tao mang papalit sa kanyang pwesto para mag-alaga sa iniwan niyang pamilya, gusto niya ay isa iyon sa mga taong mahalaga at pinagkakatiwalaan niya. Gano’n siya, France. Gano’n kabuting tao ang kakambal mo.” muli pang pagpapakilala ni Oliver sa aking kapatid.

Labis akong humanga sa aking kakambal. Ang mga katangiang iyon ng isang tao ay mahirap matagpuan. Napakapalad nina Oliver dahil sa kanila napunta ang kakambal kong si Weldy.

Hindi ko maitatanggi na mayroon akong panghihinayang dahil hindi kami nagkaroon ng pagkakataong magkakilala. Pero sa kabilang banda, kung pagbabasehan ang mga inilahad ni Oliver, sa tingin ko ay masaya na nga siya.

“France,” malambing na pagtawag na naman ni Oliver sa akin. “Ikaw. Sa tingin ko, ikaw ang taong ipinadala sa akin ni Weldy para hindi ako mangulila sa pagkawala niya. Sa tingin ko, siya rin ang gumawa ng paraan para magkita tayong dalawa. Ikaw rin ang nag-iisang tao na nakita niyang magkakaroon ng malaking malasakit para sa mga anak niya.” pagpapatuloy nito.

Napalunok ako at napaisip sa mga sinabi niyang iyon.

Posible kaya? Posible kayang si Weldy ang gumawa ng paraan para mapunan ang pangangailan ko at ng pamilya niya?

Nagpatuloy pa si Oliver sa kanyang sinasabi kaya nanatili lamang akong nakikinig.

“Hindi mo ba naisip kahit minsan na baka may dahilan ang lahat kaya iyon nangyari? Baka iyon ang dahilan? Baka itinadhana talaga tayong magkakilala at magkasama? At si Weldy, siya ang naging daan para mapunan ang pangangailangan nating lahat. Tinulungan niya kami ng mga bata na makilala ka, at tinulungan ka naman niya para matupad ang matagal mo nang pinapangarap — ang magkaroon ng sariling pamilya.”

Sa huling bahagi ng paliwanag ni Oliver ay hindi ko na napigilan ang magbitiw ng ngiti. Kasunod din ng ngiti kong iyon ay ang panibagong luha. Ngunit hindi tulad sa mga nauna, alam kong hindi na ito luha ng kalungkutan. Ramdam ko, ang luha ko ngayon ay sanhi ng nagdiriwang kong puso na tila idinuduyan.

Tuluyan na sana akong magiging masaya, ngunit may isang bagay akong naalala. Mabilis na naglaho ang aking ngiti dahil sa tuwa at napalitan ito ng pangamba.

“O-oliver…” pagtawag ko sa kanyang may pag-aalala. “P-paano ang… Paano ang mga bata? Paano sila? Kung ipipilit mo sa kanilang wala na si Weldy, mauulit at mauulit lang ang lahat. Masasaktan lang sila. Hindi nila matatanggap ang biglaang pagkawala niya.” tanong ko sa kanya.

Ang inaasahan ko ay guguhit din sa kanya ang pangamba, ngunit nasorpresa ako nang mas lumawak pa ang pagkakangiti niya.

“Desidido na ako. Sasabihin ko pa rin sa kanila ang totoo.” pursigido niyang sagot. “Sinabi ko na sa ’yong itutuwid ko ang lahat ng pagkakamali ko, ’di ba? Handa kong gawin ang lahat para mapatunayan lang sa ’yo na ikaw na ang laman ng puso ko. Ikaw na ang mahal ko, France. Isusugal ko ang lahat para sa ’yo.” sinsero pa nitong dugtong.

Dapat ay nagdiriwang na ako dahil sa aking mga narinig mula sa kanya, ngunit nanlaki ang aking mga mata dahil binalot ako ng labis na pag-aalala.

Napailing ako para makita niyang hindi ako sang-ayon sa kanyang plano.

“Oliver, alam mo ang mangyayari sa oras na ginawa mo iyon… Posibleng tuluyan nang malayo ang loob sa ’yo ni Kryz… At si Marl, may posibilidad na madala na naman natin ulit sa ospital… H-hindi ko kaya… Hindi ko kakayanin na mangyari at maulit ang bagay na ’yon sa inyo…” paglalahad ko sa aking kinatatakot.

Naramdaman ko ang paghigpit ng pagkakahawak ni Oliver sa aking kamay.

“Pero, France… Kung ito lang ang natitirang paraan para mabuo ulit tayo, handa kong gawin ’yon… Kung ito lang ang tanging paraan para mapatunayan kong mahal kita, handa kong isugal ang lahat ng ’yon…” pagmamatigas niya.

Desidido na talaga siya. Hindi ko na siya mapiligilan sa desisyon niya.

Sa mga binitiwang salita ni Oliver ay hindi ko na magawa pang magduda. Nakikita ko rin sa kanyang mga mata ang katapatan. Sa mga oras na ito, hindi ko na maitatanggi — tuluyan na niya akong nakumbinsi. Tuluyan na niya akong nabawi.

May ilang minuto ang aking pinalipas upang makapag-isip. Gusto ko siyang makasama. Gusto kong makasama ang mga bata. Napamahal na sila sa akin at handa ko silang paulit-ulit na tanggapin.

Siguro nga ay tama si Oliver. Marahil ay nangyari ang lahat ng ito dahil sa iisang dahilan — upang hanggang sa huli ay kami ang magkakasama.

Matapos ang ilang minutong pananahimik ay isang desisyon ang nabuo sa aking isip. Unti-unti kong ibinalik ang aking tingin kay Oliver at nagbitiw ako ng tipid na ngiti.

“Pumapayag na ako, Oliver… Babalik ako para sa mga taong mahalaga na sa akin… Babalik ako para sa taong minamahal ko… At babalik ako para sa mga batang handa kong ituring na akin…” paglalahad ko nang buong tapang sa aking panibagong desisyon.

Nang marinig iyon ni Oliver ay nanlaki ang kanyang mga mata tanda ng pagkasorpresa. Ilang sandali lang din ay muli siyang lumuha na nasundan ng ngiti niya.

Hindi ko maipaliwanag, pero nang makita ko ang napakagandang ngiti niyang iyon ay parang lalabas ang aking puso sa aking dibdib. Ito ang bagay na gusto kong masaksihan, ang kanyang kasiyahan na ako ang dahilan.

“S-salamat… Salamat, France…” lumuluhang sambit ni Oliver.

“Pero sa isang kondisyon,” bigla kong pagputol sa pasasalamat niya.

Nawala ang kanyang pagkakangiti at rumehistro ang pag-aalala rito. Kaya naman bago pa siya makapagtanong muli ay inilahad ko na ang mga nais ko.

“Hindi mo agad sasabihin sa mga bata ang totoo,”

“Sa pangalawang pagkakataon, handa akong magpanggap bilang Weldy sa harap ng mga bata.”

Mas lalong gumuhit ang pagkabigla kay Oliver nang marinig iyon mula sa akin.

“Pero, France? Hindi ako papayag na babalik tayo sa simula. Gusto kong makilala ka nila bilang ikaw. Kailangan nilang malaman ang katotohanan.” pakikipagtalo na naman niya sa akin.

Ramdam kong hindi niya gusto ang aking naging desisyon, ngunit sa halip na makipagtalo ako sa kanya pabalik ay iginawad ko ang aking pinakamatamis na ngiti sa kanya.

“Oliver, alam kong magiging mali ito. Aaminin ko, natatakot din ako. Pero makakasama naman kita, ’di ba? Gusto ko lang protektahan ang mga bata. Ayaw kong maulit ang senaryong ito na nahihirapan sila. Magagawa naman nating ipagtapat sa kanila iyon nang paunti-unti sa paglipas ng mga araw, ’di ba? ’Wag lang sana natin silang biglain tulad nito.” mahaba kong pangungumbinsi rito.

Natahimik si Oliver at nag-isip nang malalim. Tila ba pinag-aaralan kung dapat ba siyang sumang-ayon sa akin.

Ilang sandali pa ay nilingon niya ang nahihimbing na si Marl. Pinagmasdan niyang mabuti ang kalagayan ng kanyang anak.

May katagalan din siyang nag-isip hanggang sa muli niyang ibinaling sa akin ang kanyang paningin.

“P-pumapayag na ako, France…” pagsang-ayon na nito sa wakas. “Pero gusto ko, sa lalong madaling panahon ay malaman din nila ang totoo. Hindi ako papayag na iisa lang ang nakikita nilang tao. Iba si Weldy at iba ka, France. Gusto kong kilalanin ka nila bilang ikaw. Hindi ako papayag na maging anino ka lang.” may pag-aalala pa nitong pagbibigay kondisyon.

Ngayon ko masasabing hindi ako nagkamali sa aking naging desisyon. Napakapalad ko na nagkaroon ako ng tulad ni Oliver. Siguro nga ay magiging mali ito sa paningin ng ibang tao, pero kung handa si Oliver na ipaglaban ako, dapat lang na samahan ko ito. Hindi ko siya iiwan. Hindi ko siya bibiguin at sabay kaming lalaban.

Ngumiti ako kay Oliver saka dahan-dahang tumango.

“Sa ngayon, sapat na sa akin na alam mo kung sino talaga ako, Oliver. Sapat na sa akin na tanggap mo ako. Masaya na ako roon. Masaya na ako na kahit ikaw lang, kilala kung sino talaga ako.” pag-amin ko rito.

Nagbalik ang pagkakangiti sa kanyang labi at naramdaman ko ang paghawak niya sa aking kamay nang mahigpit. Muli rin naglandas ang mga luha niyang dulot ay saya.

“N-nangangako ako, France… Hinding-hindi na kita bibiguin… Lahat ng pangarap mo, handa kong tuparin… Patutunayan ko sa ’yo na ikaw na lang ang laman ng puso ko… S-salamat… Salamat sa panibagong pagkakataon… Salamat sa pagtanggap sa akin at sa mga anak ko…” saad ni Oliver sa pagitan ng pag-iyak nito.

Muli akong ngumiti habang lumuluha rin sa kanya.

“Anak natin, Oliver… Anak natin sina Kryz at Marl… Ngayon ay handa na talaga ako… Aariin ko na kayo bilang sariling pamilya ko… Salamat din sa pagtanggap sa kung sino ako… Salamat, Oliver… S-salamat Daddy…” sagot ko na naman sa kanya.

Sapat na ang aming mga naging pangako. Sapat na ang lahat ng aming inilahad para buksan ang panibagong pintuan sa aming dalawa.

Sa kabila ng lumuluha naming mga mata ay kumilos kami para salubungin ang isa’t isa. Dahan-dahan ay naglapit ang aming mga mukha. Kasunod nito ay pinagtagpo namin ang labi naming dalawa.

Nang tuluyang magdikit ang aming mga labi ay tuluyan na ring naalis ang bigat ng aking dibdib. Sa simple niyang paghalik ay tila ba nabura ang mga bagay na parehong nakasakit sa amin.

Ngayon ko nakumpirma sa aking sarili, sa kabila ng mga nangyaring hindi tama, ang lalaking ito pa rin ang nag-iisang dahilan para sumaya ako. Siya lang ang may kakayahang dalhin ako sa mundo na tila isang paraiso.

“Mahal kita, France…” sambit niya nang magbitiw kami sa masuyong paghalik nito.

Naikagat ko ang aking ibabang labi nang marinig ko iyon.

“Ang sarap naman pakinggan na pangalan ko na ang binabanggit mo…” naging reaksyon ko habang nakangiti.

Ginawaran niya rin ako ng magandang ngiti.

“Pangako, araw-araw mo nang maririnig sa akin ’yan… Mahal kita, France… Mahal na mahal… Lagi mong tatandaan ’yan…”

Para akong idinuduyan sa ulap. Hindi ko napigilan ang lumuha dahil sa saya. Hindi ko mapigilang isipin na unti-unti nang natutupad ang pangarap ko simula pa pagkabata. Sa kauna-unahang pagkakataon ay may tumanggap sa akin bilang ako. Hindi lang iyon, unti-unti niya pang tinutupad ang mga bagay na kinasasabikan ko. Napakasaya ko dahil isang buong pamilya rin ang ibinigay sa akin nito.

“Mahal din kita, Daddy… Salamat sa lahat… Salamat sa pagmamahal mo… Salamat dahil tinanggap mo ako… Salamat sa ’yo… Mahal din kita at handa ko rin ’yon patunayan hangga’t nabubuhay ako…” madamdaming pahayag ko rin sa kanya.

Tumango si Oliver habang nakangiti tanda na tinatanggap niya ang aking pangako. Kasunod nito ay muli niyang inilapit ang kanyang mukha para halikan ako. Ibinalik ko rin iyon sa kanya tulad ng nais nito.

May ilang segundo nang magkadikit ang aming mga labi nang kami ay matigilan. Pareho rin gumuhit ang aming pagtataka nang may isang mainit na bagay kaming naramdaman sa magkahawak naming mga kamay.

Nilingon namin ang bagay na iyon upang kumpirmahin. At nang tuluyan namin itong makita ay hindi namin napigilan ang matawa nang mahina.

Natagpuan namin ang kamay ni Marl na nakapatong din sa aming mga kamay. Hindi namin alam kung paano nangyari, pero kahit nahihimbing pa rin si Marl ay nagawa niya itong posible.

“Baka naramdaman niyang maayos na ang mga magulang niya?” tanong na pabulong ni Oliver sa akin.

“Siguro nga…” sagot ko ring natatawa sa kanya.

Ito na ang panibagong yugto ng aking buhay.

Ito na ang aking simula bilang France.

Alam kong may mga bagay pa akong dapat na harapin at paghandaan,

Pero hangga’t kasama ko si Oliver, naniniwala akong kaya ko iyon malampasan.


A/N

So, ano? Ano sa palagay n’yo sa naganap? Alam kong mahahati na naman kayo at ang ilang ay magkakaroon pa ng kaunting debate. Natutuwa akong mabasa ang inyong mga sariling opinyon tungkol sa kanilang sitwasyon. Maraming salamat sa inyo!

Para po kay

znet23

ang chapter na ito. Salamat po sa pagsuporta sa kuwentong ito. 😘

Paano po? ’Til next chapter na lang! Maraming salamat po sa mga nag-aabang! Hindi ako naka-reply sa inyo nitong mga huli. Medyo busy kasi si Ate, eh. Babawi ako sa mga susunod. May pag-shout out na rin akong gagawin para sa mga masisipag magkomento! Maraming salamat din po sa mga patuloy na nagbabasa at bumoboto! Labyu, guys!

–– cold_deee ❤

09.04.2018

Chapter 26

A/N:

Thanks,

Ynnohtil

, para sa photo na nasa media. Ako talaga ’yan! Hahahaha!


FRANCE - POV

Dalawang linggo makalipas ang maituturing kong isa sa pinakamatinding trahedya sa aming buhay ay sinusubukan naming ibalik ang lahat sa normal.

Si Marl ay tuluyan nang nakalabas ng ospital. Laking pasasalamat ko dahil naging mabilis naman ang kanyang pagbawi mula sa pagsumpong ng kanyang sakit. Sa katunayan, kanina nga ay nagbalik na rin sila sa eskwela at inihatid ko pa sila.

Hindi ko makakalimutan ang senaryo noong magising si Marl. Halos maiyak siya sa tuwa nang makita ako sa kanyang tabi at binabantayan siya sa ospital. Halos ayaw na niya sa aking bumitiw at mahiwalay. Mas lalo ko pa siyang napasaya noong ibalita sa kanya ni Oliver na mananatili na ako sa kanila.

Tungkol naman kay Kryz, kinausap ko ito nang masinsinan at humingi ako ng kapatawaran. Hindi naman ako nabigo dahil mabilis niya akong napagbigyan. Ang naging kondisyon lamang nito sa akin ay ’wag ko nang uulitin iyon. Kung sakali man daw na maulit iyon, tuluyan na raw siyang magagalit sa akin lalo na kung ikapapahamak ng pinakamamahal niyang kapatid ito. Naiintindihan ko naman siya. Sa mahigit isang taon kong pananatili rito, nasaksihan ko kung gaano kahalaga sa kanya si Marl. Iyon ang bagay na kahanga-hanga sa kanya bilang Ate nito.

“Ayan! Hihintayin na lang kitang lumambot!” sambit ko nang masimulan ang pagpapakulo ng karne ng baka dito sa kusina.

Maaliwalas ang araw at maaga akong nagising kanina upang asikasuhin at ihatid sa eskwelahan ang mga bata. Pakiramdam ko ay napakaespesyal ng araw na ito kaya naisipan kong magluto ng caldereta para sa tanghalian.

Tahimik ngayon ang buong bahay dahil umalis sina Ate Aning at Ate Loca para sa kanilang pahinga. Naging abala rin sila sa mga nagdaang araw kaya naisipan ni Oliver na bigyan sila ng karagdagang pera upang makapamasyal.

Habang naghihintay ako sa sisimulan kong putahe ay naghanap ako ng mapaglilibangan. Naisip kong manood muna ng telebisyon dahil wala rin naman akong puwedeng magawa.

Gumuhit ang malapad na ngiti sa aking labi nang maalala ko ang pasalubong ni Kuya Michael kagabi nang dumalaw siya. Nagdala ito ng dalawang kahon ng doughnut at ibinigay sa akin ang isa. Ang isang kahon naman ay pinaghatian ng mga bata pati na rin nina Ate Aning at Ate Loca.

Tungkol naman kay Kuya Michael, sumang-ayon naman siya sa naging desisyon namin ni Oliver. Ayaw rin naman niyang maulit ang nangyaring nasaktan ang mga bata. Para sa kanya, madali na ang mga susunod na hakbang ng aming pagtatapat sa mga magdadaang araw. Ang importante raw sa ngayon ay wala na kaming itinatagong sikreto sa isa’t isa. Bukod pa roon, nangako rin siya sa akin na kukuha ng impormasyon kung kumusta na ang kalagayan nina Sister Martina. Sinabi rin nito na sa oras na malaman ng mga bata ang totoo at wala kaming magiging problema, tutulungan niya raw akong makadalaw roon sa bahay-ampunan.

“Doughnut! Doughnut!” sambit ko pang tuwang-tuwa habang binubuksan ang ref.

Matapos kuhanin ang kahon ay kumuha na rin ako ng isang baso ng tubig bilang aking panulak.

Sinimulan ko nang humakbang patungo sa malaking sala. Nakangiti pa ako habang nasa kalagitnaan ako ng paglalakad, ngunit hindi ko naiwasan ang magulat nang may imaheng bigla na lamang sumulpot sa aking tapat.

“Daddy, naman! Muntik ko nang mabitiwan itong doughnut!” reklamo ko agad nang halos mabangga ko na si Oliver. Gising na pala siya.

Natawa naman ito bago nakapagbigay ng reaksyon.

“Ang ganda naman ng bungad mo?!” may sarkastikong pagsaway sa akin nito. “Good morning, France.” malambing na nitong sambit at hinalikan ang labi ko.

Nang marinig ko iyon ay nakaramdam ako ng pag-aalala. Agad akong lumingon sa paligid upang suriin kung may nakarinig ba sa sinabi niya.

Marahil ay naramdaman ni Oliver ang bumabagabag sa akin kaya mabilis din siyang nagsalita.

“’Wag kang mag-alala, tayo lang ang nandito sa bahay. Wala ang mga bata.” pagpapakalma sa akin ni Oliver.

Nakahinga naman ako nang maluwag. Dahil sa labis na pag-aalala ay nakalimutan kong ako pa mismo ang naghatid kina Marl at Kryz sa eskwelahan.

Dahan-dahan ay ngumiti ako kay Oliver.

“Good morning, Daddy.” pagbati ko naman sa kanya pabalik at hinalikan din ang kanyang labi.

Sa kabila ng mga naganap ay sinisikap naming ibalik ni Oliver sa dati ang lahat. Nangako kami sa isa’t isa na anoman ang mangyari, magpapakatatag kami. Sisikapin naming hindi na ungkatin pa ang nakaraan at magsisimula ulit kami nang masaya.

Malinaw na sa akin na hindi ako ang asawa ni Olivet, ngunit sapat na ang dahilang mahal niya ako at mahal ko siya para magpatuloy kaming dalawa.

Sinuway ko ang dikta ng isip ko. Sinunod ko ang nararamdaman ko. Ngayon ko lang napag-isip-isip na hindi ko kakayaning mawalay kay Oliver at sa mga bata. Lubha na silang napamahal sa akin kaya kahit ang salitang mali ay handa kong kalabanin.

“Mmmm… Nami-miss na kita… Kailan ka ba babalik sa kwarto nating dalawa?” paglalambing ni Oliver makalipas ang ilang sandali at niyakap ako.

Natawa naman ako sa reklamo niyang iyon. Hindi ko rin magawang gantihan ang kanyang yakap dahil sa dalawang bagay na nasa mga kamay ko.

“Hindi ko masasagot ’yan, Daddy! Hangga’t hindi ako pinapaalis nina Marl at Kryz sa kwarto nila, hindi tayo magtatabing matulog na dalawa!” sagot ko sa kanyang natatawa.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Oliver. Humigpit din lalo ang kanyang pagkakayakap tanda ng pananabik nito sa akin.

Sa nakalipas na dalawang linggo ay hindi nga kami nagtatabing matulog ni Oliver sa kwarto. Naiwan siya sa aming kwarto dahil kinailangan kong sundin ang kautusan ng mga anak nito. Sa tabi ako ng mga bata natutulog dahil sa takot na baka iwan ko na naman ang mga ito. Hindi naman namin masisi sina Kryz at Marl kung makaramdam sila ng takot. Sa naging kaganapan sa amin ay normal lamang ang maging reaksyon ng mga ito.

Bahagya akong humiwalay kay Oliver para magtagpo ang aming mga mata.

“Daddy, ang sabi mo, maghihintay ka kahit gaano katagal, ’di ba? Isa pa, nag-aalala pa rin ako hanggang ngayon sa kanila lalo na kay Marl. Gusto kong masiguro na mahimbing silang makakatulog. Tiis-tiis lang hanggang sa mapanatag sila.” pagpapaintindi ko sa kanya.

Hindi nagbago ang kanyang ekspresyon, bakas pa rin ang pagkadismaya at lungkot doon.

“France, dalawang linggo na tayong hindi nagkakausap nang matagal. At kung mag-uusap naman tayo, patago pa minsan. Hindi naman tayo secret affair, ah? Lagi na lang sila ang iniintindi mo. Paano naman ako?” parang bata nitong pagmamaktol.

Nangunot naman ang noo ko dahil sa pagtataka.

“Ano ang ‘secret affair’, Daddy? Ano sa Tagalog ’yom?” tanong ko sa kanya.

Hindi naman agad na nakapagsalita si Oliver. Sa nakikita ko, tila ba hindi niya alam kung paano ipapaliwanag sa akin iyon.

“’Di bale na nga. ’Wag mo na lang isipin ’yon. Magkakape na lang ako.” kalmado ngunit batid kong naiinis ito. Kasunod nito ay nagtungo na rin siya sa kusina na pinanggalingan ko.

Hindi ko maiwasan ang matawa kay Oliver. May punto naman kasi siya. Nabigyan nga siya ng mahabang bakasyon ni Kuya Michael para asikusuhin kami ng mga bata, pero heto at hindi naman kami matagal na nakakapag-usap. Tuwing darating na kasi ang mga bata, ako na agad ang kanilang hinahanap. At kung wala naman sila, kailangan pa rin namin mag-ingat dahil baka marinig kami nina Ate Aning at Ate Loca. Maging sila kasi ay wala pa rin silang kaalam-alam. Ang nais kasi namin ni Oliver ay sa mga bata muna ito ipagtapat.

Sinundan ko si Oliver na nagtungo sa kusina.

“Ako na ang magtitimpla ng kape mo, Daddy!” paghabol ko sa kanya.

Nang simulan kong asikasuhin si Oliver sa kanyang pag-aalmusal ay hindi pa rin nagbabago ang kanyang timpla. Nakaupo ito sa silya at bakas ang pagkairita sa kanyang mukha.

“Gusto mo bang kumain? Iinitin ko na lang ang hinanda kong almusal kanina para sa mga bata.” alok ko sa kanyang nakangiti.

Umiling lang siya bilang pagtugon. Masama talaga ang kanyang loob. Hindi ko naman maiwasan ang matawang muli. Sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay tinanggihan niya ang niluto kong putahe.

Matapos kong timplahin ang kape ni Oliver ay inilapag ko na iyon sa kanyang tapat. Habang ginagawa ko rin iyon ay nakaisip ako ng paraan para mawala ang pagsimangot niya.

Kumilos ako patungo sa kanyang likod. Nasundan ito ng pagyakap ko nang dahan-dahan sa kanyang leeg at paghalik sa pisngi niya.

“’Wag ka nang magtampo, Daddy. Umagang-umaga, ganyan ka. Saka ngayon pa ba tayo magtatalo? Tayo lang ngayon ang nandito, tapos, mag-aaway pa tayo?” paglalambing ko na sa kanya.

Nakakatuwang isipin na ganito pa rin kami ni Oliver sa kabila ng mga nangyari. Sa tingin ko nga ay mas naging malapit pa kami sa isa’t isa dahil wala na kaming inililihim.

Saglit na natahimik si Oliver. Siguro ay nag-iisip ito sa sinabi ko.

“I’m sorry…” wika nito at napayuko makalipas ang ilang sandali. “It’s just that, nagsisimula nga tayo, pero parang wala namang progress? Naiintindihan mo ba ’yon?” dugtong nitong paliwanag at nilingon na ako. Naging dahilan tuloy iyon para magkalapit ang mga mukha namin nito.

“Hindi. Hindi ko naiintindihan, Daddy. Alam mo namang mahina ako sa Ingles, ’di ba?” sagot kong may bahid ng pamimilosopo. “Pero, Daddy, hindi mo ba pagbibigyan ang mga anak mo? Gusto mo ba silang malungkot ulit? Ako kasi, hindi ko sila matiis. Ayaw kong nakikita silang natatakot at umiiyak.” paliwanag ko sa kanyang muli.

Sa hindi ko malamang dahilan ay napangiti si Oliver. Kasunod nito ay marahan niyang kinurot ang ilong ko.

“Anak mo rin sila, France. Anak natin sila. Tayo ang mga magulang nila. Pamilya tayong apat. Lagi mong tatandaan ’yan.” pagtatama nito sa akin.

Ito ang lalong nagpatibay sa nararamdaman ko para kay Oliver. Sa kabila ng katotohanang hindi ako ang tunay na magulang nina Kryz at Marl, pinararamdam niya sa aking ang buong pagtanggap. Mas lalo niyang pinatutunayan na tanggap niya ako sa kabila ng lahat.

Aaminin ko, nakakaramdam pa rin naman ako ng takot sa oras na sabihin namin sa mga bata ang totoo. Pero hangga’t ipinapakita ni Oliver ang kanyang suporta sa akin tulad nito, ilalaban ko ang natitirang tiyansa na mayroon ako. Sila ang dahilan kung bakit naging makabuluhan ang buhay ko. Kaya kahit ano ang mangyari ay magpapakatatag ako para sa mga ito.

“Salamat, Oliver… Salamat, Daddy…” nakangiti kong sambit habang nakatingin ako sa kanya nang tuwid.

Sa wakas ay nakita ko na ang sinserong ngiti mula kay Oliver. Kasunod nito ay kumilos siya para halikan ang dulo ng aking ilong.

“Hindi pasasalamat ang gusto kong marinig galing sa ’yo, France. Iba ang salitang gusto kong marinig. At ’yon din ang gusto kong sabihin mo sa akin nang paulit-ulit.” malambing naman niyang pagtatama sa akin.

Hindi naman ako manhid para hindi maintindihan ang nais niyang ipakahulugan. Kaya naman para lalo ko siyang mapangiti ay ibinigay ko na ang kanyang kahilingan.

“I love you, Daddy…” sambit ko na sa nais niyang marinig.

Hindi nga ako nagkamali. Matapos kong sambitin ang tatlong salitang iyon ay naging malawak ang pagkakangiti ni Oliver.

“I love you too, France…” malambing din nitong tugon sa akin.

Matapos ang pagtatapat naming iyon ay isang matamis na halik sa labi ang aming pinakawalan.

Sana ay madali lang naming malampasan ang parating na pagsubok. Natapos na kami sa mas mahirap na tagpo, sana ay maging magaan na lamang sa amin ang mga susunod.

“Teka, France, saan ka nga pala papunta kanina noong makababa ako?” biglang tanong sa akin ni Oliver makalipas ang ilang segundo matapos bumitiw ang mga labi namin nito. Ang tinutukoy rin niya ay nang magkasalubong kami nito.

“Manonood sana ako ng TV sa sala, eh. Tapos papapakin ko itong pasalubong sa akin ni Kuya Michael.” sagot ko naman at umalis na rin ako mula sa kanyang likod.

Marahan namang tumango si Oliver bilang pag-intindi.

“Halika, doon na lang din ako magkakape. Sasabayan na lang din kitang manood ng TV.” bigla na nitong pagyaya sa akin.

Dahil sa aking narinig ay mabilis na nagliwanag ang aking mga mata.

“Talaga?!” paniniguro ko pa habang suot ang ekspresyong napakasaya.

Alam kong simple lang naman ang aming gagawin, pero hindi ko maiwasang makaramdam ng saya dahil ngayon pa lamang namin ito magagawa ni Oliver. Noon kasi ay abala ito sa pagtatrabaho kaya wala na siyang panahon para magawa ang tulad nito. Laking pasasalamat ko ngayon dahil nakabakasyon ito.

Nagtungo kami ni Oliver sa sala dala-dala ang aming mga inumin at ang aking pagkain. Buong akala ko ay agad kaming uupo nang magkatabi sa sofa ngunit hindi agad iyon nangyari.

Pinanood ko siya habang may inaayos sa likod ng TV. Wala naman akong ideya sa kanyang ginagawa kaya hinayaan ko lamang siya. Gustuhin ko man ang magtanong ngunit talagang abala siya.

Matapos ang ilang minuto ay nanlaki ang aking mga mata nang mapanood sa telebisyon ang isang Tagalog na palabas. Ang bumungad sa amin ay isang teleserye na mapapanood lamang kung ang telebisyon ay may gamit na antena.

Hindi ko maiwasan ang balutin ng pagtataka. Sa pagkakaalala ko kasi, ayaw noon ni Oliver na nakakanood kami ng mga palabas na tulad nito o maging ng balita. Ayaw raw nitong makapanood sina Marl at Kryz ng may bahid karahasan.

Marahil ay napansin ni Oliver ang aking naging reaksyon kaya hindi na rin ako nito hinintay na makapagtanong.

“Sorry, ha? Ngayon ko lang ikinabit ang cable ng mga local channels sa TV.” paghingi nito ng paumanhin sa hindi ko malamang dahilan. Kasunod nito ay umupo na siya sa aking tabi at nagpatuloy sa pagsasalita. “Sinadya ko noon na tanggalin ang local channels para hindi ka makapanood ng balita. Sinadya kong ibilin kina Ate Aning at Ate Loca na cartoons at foreign movies lang ang puwede ritong ipalabas. Iniiwasan ko kasing makapanood ka ng balita tungkol sa barkong lumubog na sinakyan mo. I’m sorry…” mahaba pa nitong paliwanag.

Natahimik ako sa pagtatapat niyang iyon. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit puro banyagang pelikula lamang ang dapat na dito ay maipalabas. Kaya naman pala napaka-istrikto ni Oliver pagdating sa panonood namin ng telebisyon. Kadalasan ay si Dora lang ang aming napapanood noon.

Makalipas ng ilang sandaling pag-iisip ay sinikap kong ngumiti kay Oliver.

“Tapos na ’yon, Daddy. Nakaraan na ’yon. Nagsisimula na nga tayo, ’di ba? Kaya kalimutan na natin ang bagay na ’yon.” pagtanggap ko sa kanyang paliwanag.

Tumango naman siya bilang pagtugon. Kasunod nito ay hinalikan niya ako sa pisngi tanda ng pasasalamat nito.

Nagsimula kaming manood ng TV habang magkatabi. Hindi ko maiwasan ang makaramdam ng saya dahil sa loob ng mahigit isang taon, ngayon lang ako makakaintindi sa aking panonood. Sa wakas ay may napanood din akong Tagalog.

Nakasandal lang ako sa kanyang balikat habang pinapapak ang doughnut. Siya naman ay nakalagay ang braso sa aking bewang at paminsan-minsan akong sinusulyapan. Hindi niya rin naiiwasan ang ngumiti paminsan-minsan tuwing nakikita niya akong naaapektuhan sa palabas.

“ I’m sorry, Greg… Sana ay maintindihan mo ako… S-sana… Sana, mapatawad mo pa rin ako… Kaya lang naman ako pumayag, ’coz I pity you… I thought, matututuhan kitang mahalin… Pero, hindi pala… Mahal ko si Ruben… Please, Greg… ’Wag mo akong papatayin…

Sa naging linya ng bida na aming pinapanood ay hindi ko naiwasan ang matawa. Drama iyon at kasalukuyang umiiyak sa pagmamakaawa ang babae ngunit tumawa ako nang mahina dahil sa nagbalik kong alaala.

“Bakit ka natatawa, France? Umiiyak na nga ang bida, pinagtawanan mo pa.” tanong sa akin ni Oliver at hindi na rin naiwasang matawa dahil sa pagkaaliw sa akin.

Dahil sa wala naman na kaming itinatago ni Oliver sa isa’t isa ay hindi na ako nag-atubili pang magkuwento sa kanya.

“Natatawa kasi ako sa sinabi ng bida na salitang ‘pity’ , eh!” panimula kong paglalahad habang natatawa. “Noon kasi, lagi kong naririnig ’yan sa mga nagiging guro ko tuwing magtatapos ang taon. Sinasabihan nila si Sister Martina na ‘pity’ raw ang dahilan kaya pumasa ako sa eskwela. Masipag daw kasi ako sa klase at mabait akong estudyante. Ako kasi ang taga-linis doon ng silid araw-araw, eh.” masaya ko pang pagkukuwento.

Hindi ko alam kung ano ang dahilan ng biglang paglungkot ng ekspresyon ni Oliver habang nakatingin sa akin ito. May ilang segundo rin ang lumipas bago siya nakapagbigay ng reaksyon habang hinahaplos ang isa kong braso.

“A-anong ginagawa mo kapag sinasabi nila ’yon sa ’yo..?” nauutal niya pang pagtatanong sa mahinang tono.

“Wala! Tumatawa lang ako habang nag-uusap sila ni Sister Martina! Hindi ko naman kasi naintindihan ang ‘pity’ , eh! Ang nasa isip ko no’n, may ‘pata’, may ‘pity’ , baka ang kasunod no’n, ‘puto’ ?!” sagot ko sa kanya at mas lumakas pa ang aking pagtawa.

Sa kabila ng aking malakas na pagtawa ay hindi nagbago ang ekspresyon ni Oliver. Nasa kanyang mukha ang tila pag-aalala at awa. Dahil doon ay agad na akong nag-usisa.

“Bakit, Daddy?! Ano ba ang ibig sabihin ng ‘pity’ ?!” tanong kong maligalig at kumagat na naman ako sa aking doughnut. Ang sarap talaga!

Muli ay saglit na natahimik si Oliver. Kasunod nito ay marahan niyang hinalikan ang aking noo sa hindi ko malamang rason.

“Nevermind… Sige, manood ka lang. Baka mamaya, may hindi ka makitang eksena sa pinapanood mo, ako pa ang sisihin mo?” pag-iwas na lamang nito at ngumiti nang tipid.

Tumango-tango naman ako bilang pagsang-ayon. Hindi naman mahalaga ang bagay na iyon. Ang importante, nakakanood na ako ng Tagalog sa telebisyon.

May ilang minuto pa ang lumipas at talagang nakatutok na ako sa palabas. Noong umabot sa patalastas ay hinaplos ni Oliver ang aking ulo na nakahilig sa balikat nito.

“France…” malambing niyang pagtawag sa aking pangalan.

“Mmmm?” sagot ko naman habang patuloy na ngumunguya pa rin ng doughnut.

“Gusto mo bang mag-aral ulit? Hanggang saan ba ang natapos mo?” tanong ni Oliver sa seryoso niyang tono.

Nagtaka ako sa biglaan niyang pagtatanong tungkol doon. Dahan-dahan ay inangat ko ang aking mukha upang magtagpo ang aming mga mata. Napansin ko na hanggang ngayon ay suot pa rin ni Oliver ang ekspresyon niya kanina — ang ekspresyong tila may pag-aalala at awa.

“Hanggang pers year high school naman ako, Daddy. Tapos no’n, hindi na ako nagtuloy sa pag-aaral. Dumami na rin kasi ang mga bata sa bahay-ampunan kaya naisipan kong tulungan na lang sina Sister Martina sa pag-aalaga. Naaawa rin kasi ako sa mga bata dahil lagi nila akong hinahanap.” mahaba ko pang sagot at muling nagpapak ng doughnut.

Ngumiti nang tipid si Oliver at hinaplos naman sa pagkakataong ito ang aking mukha.

“Gusto mo bang mag-aral ulit? Tutulungan kita. Kukuha pa tayo ng tutor kung gusto mo. Marami rin kilala si Michael na puwedeng makatulong sa ’yo.” biglang alok na sa akin nito.

Natigilan ako sa pagkain ng doughnut dahil sa narinig ko. Hindi ko naiwasan ang mag-isip ng hindi maganda dahil sa mga sinabi niyang iyon. Ngunit kahit ganoon, sinikap ko pa rin ang magbitiw nang tipid na ngiti rito.

“Bakit, Daddy..? Nakakahiya na ba talaga ako..? Hindi ka ba magiging komportable na ipakilala ako sa iba dahil hindi ako nakapagtapos..?” tanong ko sa pilit na pinapasiglang tono.

Nanlaki ang mga mata ni Oliver at mabilis na umiling ito.

“No! Of course not! Hindi kita ikinakahiya!” mabilis niyang depensa. “It’s just that, baka gusto mo lang bumalik sa pag-aaral? Gusto lang kitang matulungan. ’Yon lang, France. ’Yon lang.” dugtong pa nito.

Kahit pa sinabi ni Oliver ang bagay na iyon ay hindi pa rin nito nagawang bawasan ang nararamdaman kong lungkot. Iyon din ang naging dahilan kaya naiwan akong walang imik at dahan-dahang napayuko.

Siguro nga ay wala akong maipagmamalaki, pero kaya ko naman na sa ibang bagay ay bumawi. Sana ay hindi lamang edukasyon ang basehan ng may pinag-aralan. Bakit ba namulat ang maraming tao na ang husay sa eskwelahan ang maging sukatan ng katalinuhan? Sana ay hindi lamang iyon ang dapat na tingnan. Sana ay tingnan din nila ang mabuting puso na mas maganda ang dulot sa karamihan.

“France…” biglang pagtawag sa akin ni Oliver sa nag-aalala niyang tono. Kasunod nito ay hinawakan niya ang isang kamay ko. “’Wag kang mag-isip ng hindi maganda sa sinabi ko. Hindi kita ikakahiya at hinding-hindi mangyayari ’yon. Tanggap kita kung sino o ano ka. Ngayon ko pa lang inaalam ang ibang bagay sa ’yo kaya sana maintindihan mo. Hinihingi ko lang ang opinyon mo sa bagay na ’yon at nagbabaka sakali akong maging interasado ka. Kung hindi mo gusto, ayos lang. Masaya naman tayo kahit walang gano’n, ’di ba? Sapat na sa akin ’yon.” mahaba pang paliwanag ni Oliver.

Naiangat ko ang aking mukha upang tingnan siya. Naiintindihan ko ang sinabi ni Oliver at alam kong tapat siya. Ngunit sa kabilang banda, nagtatalo ang aking isip dahil sa mga bagay na kailangan kong ikonsidera.

“France, hindi naman ako naghahangad magbago ka. Gusto ko lang na madagdagan ang tiwala mo sa sarili dahil ayaw kong dumating ang araw na mapagtawanan ka. Paano kung wala ako sa tabi mo? Sino ang magtatanggol sa ’yo? Sa tingin mo ba, gugustuhin ko na mangyari ang bagay na ’yon? Kung masasaktan ka, masasaktan din ako. Masasaktan kami ng mga anak mo. Hindi ko hahayaan na may manakit sa ’yo.” muli pang pagkumbinsi sa akin nito.

Sa huling bahagi ng kanyang sinabi ay tuluyan na akong nakumbinsi. Naiintindihan ko na kung ano ang pinagmumulan ng kanyang pag-aalala. Ginagawa niya iyon para sa aking kapakanan at hindi naman para sa kanya lang.

Hinawakan ko rin ang kamay ni Oliver tanda ng pagtanggap ko sa kanyang paliwanag.

“Daddy, minsan, sumasagi talaga sa isip ko na bumalik sa pag-aaral. Pero sa totoo lang, nahihiya na rin kasi ako. Ang tanda ko na, pero makikipagsabayan pa akong pumasok ng eskwelahan sa ibang bata. Nakakahiya rin kina Kryz at Marl dahil baka sila pa ang tumulong sa akin dahil marami pa akong hindi alam.” pagsasabi ko sa kanya ng aking saloobin.

“Kung ’yon ang inaalala mo, puwede naman tayong kumuha ng Home Study Program. Dito ka sa bahay mag-aaral at hindi mo na kakailanganin pang pumasok sa school.” pagkumbinsi pa rin nito sa akin.

Hindi ko alam ang bagay na iyon. Pero kung mayroon talagang gano’n, sa tingin ko ay tatanggihan ko pa rin iyon.

“Paano ang mga bata? Paano ka? Paano ko kayo maasikaso? Oliver, ayaw kong mabawasan ang oras ko para sa inyo. Isa pa, masaya naman ako kahit ganito lang ako. Tuwing kasama ko kayo, paunti-unti naman, may natututuhan ako sa inyo. Tuwing nakikita ko rin kayong masaya sa mga simpleng luto ko at pag-aasikaso sa inyo, masayang-masaya na ako. Pakiramdam ko, matagumpay na rin ako.” paliwanag ko rin sa kanya pabalik.

Ito na siguro ang kauna-unahang pagtatalo namin ni Oliver simula nang maging opisyal kami. Pero kahit ganoon, natutuwa ako dahil napag-uusapan namin nang maayos ito.

Sa pagkakataong ito ay si Oliver na ang natahimik. Naiwan siyang nakatitig lamang sa akin at hindi ko alam ang nasa likod ng kanyang isip.

Ilang sandali pa ay muli siyang ngumiti at saglit na hinaplos ang aking mukha. Kasunod nito ay marahan siyang kumilos upang yakapin ang aking katawan.

“Bakit ba ang swerte-swerte namin sa ’yo? Sa kabila ng mga nangyari, kapakanan pa rin namin ang iniisip mo.” wika ni Oliver at mas hinigpitan pa ang pagyakap nito.

Hindi ko naman napigilan ang matawa dahil sa sinabi niyang iyon.

“Ayan ka na naman, Daddy! Sinabi nang tapos na ’yon! ’Wag mo nang ipaalala! Ang mahalaga, nagsisimula na tayong lahat.” paalala ko na naman sa kanya.

Naramdaman ko ang pagtango ni Oliver bilang pag-unawa. Ilang sandali lang din ay bumitiw siya at inangat ang kanyang mga palad upang ang dalawang pisngi ko ay kurutin nang marahan.

“Sige, hindi na kita pipilitin. Pero sana, pag-isipan mo pa rin.” pakiusap niya sa malambing na tono.

“Mmmm…” sagot ko namang tumatango.

Umayos siya nang pagkakaupo at nagbalik sa dati niyang posisyon. Muli niyang inilagay ang kanyang braso sa aking bewang at inalalayan ang aking ulo upang makasandal sa balikat nito.

“Ayan na ang pinapanood mo. Manood ka na muna.” utos na nito sa akin na sinunod ko naman.

Siguro nga ay mahalaga ang inaalok niyang edukasyon. Para rin naman sa ikabubuti ko ang bagay na iyon. Pero sa ngayon, wala akong ibang iniisip kundi sila. Mas importante sa akin ang kapakanan nila. Sa bawat araw na gigising ako, mas gusto kong isipin kung paano ko masisiliyan ang magandang ngiti ng pamilyang ito.


A/N

Not the usual long chapter, right? Hahaha! Babawi ako sa next chapter. May surprise ako sa inyo. Salamat sa mga naghintay.

Oo nga po pala, may bago akong release na story. Ang title, “Love Me, Teacher!”. It’s a Romance-Comedy genre between teacher and his former student. I hope may time kayo para mabasa iyon. Ang ilan sa inyo ay nakita ko na roon. Salamat, guys! Mwah!

’Til next chapter na lang po! Ingat ang lahat! Labyu!

–– cold_deee ❤

09.18.2018

Chapter 27

(A/N: Paki-play na lang po ang nasa media while reading the while chapter. Song title: Sa Aking Puso - By: Hacel Bartolome [Cover] / CTTO)

  ![](https://img.wattpad.com/f6092c85f935641bbde75ef9e276e9e3d72ceaca/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f37614455427137354367567634673d3d2d3439333033343038332e313535373433356331353239323662363939393639323436333331392e6a7067)

  ![](https://img.wattpad.com/bf4454dadcc89283bc9d5adf77850bb7f2f0d848/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f414272706567306d3472614468773d3d2d3439333033343038332e313535373433363563393830303135613233363130343832323339352e6a7067)

(A/N: You may find some scenes a bit disturbing. Parental Guidance is advised. Naks! Hehe.)


FRANCE POV

Magkatabi sa malaking kama ang magkapatid na Kryz at Marl. Ako naman ay nakaupo sa kanilang kaliwang bahagi habang si Oliver ay nasa kanilang kanan. Naghahanda na kaming matulog dahil nagtapos na naman ang panibagong araw sa aming lahat.

Matapos kong ilagay ang kumot sa magkapatid ay inihanda ko na rin ang aking sarili sa paghiga.

“Good night, kids.” wika ni Oliver at hinalikan sa noo sina Kryz at Marl.

Gaya ng mga nagdaang mga araw at linggo, wala pa rin ang nagbago. Dito pa rin ako natutulog sa tabi ng mga bata dahil sa takot nila na baka iwan ko ang mga ito. Si Oliver ay naiwang natutulog sa aming kwarto dahil hindi naman kami kasya sa kama na naririto. Isa pa, gusto niya rin daw kasi akong bigyan ng mahabang oras para sa mga anak nito.

Naghihintay na lamang kami ni Oliver sa pagsagot ng dalawang bata upang simulan na ang aming pagpapahinga, ngunit sa paglipas ng bawat segundo ay walang sinabi ang dalawa.

“Mag-good night na kayo kay Daddy, Kryz, Marl.” utos ko na sa dalawang bata.

Tulad kay Oliver ay hindi rin nila ako sinagot. Nagkatinginan muna silang magkapatid na lubha naming ipinagtaka ng Daddy nila.

“Uhmm… Papa? Daddy?” pagtawag sa amin ni Kryz na tila nag-aalangan. Kasunod nito ay dahan-dahan silang umahon ni Marl mula sa pagkakahiga upang umupo sa kama.

Lalo kaming nagtaka ni Oliver sa kanilang ikinikilos. Hindi namin naiwasan ang mag-alala lalo na at bakas sa kanilang eskspresyon ang pag-aalala.

“What’s wrong, kids? May naging problema ba?” tanong ni Oliver sa kanila.

Nasaksihan namin kung paano nagsikuhan ang magkapatid.

“Ikaw na ang magsabi, Marl!” utos pa ni Kryz sa kanyang bunsong kapatid.

“Why me, Ate? That’s your idea, right? Ikaw na ang magsabi!” pakikipagtalo naman ni Marl sa ate niya.

Dahil sa naging tagpo ay kinailangan ko nang awatin ang mga ito.

“Hey! Istap!” pagsaway ko na sa kanila. “Ano ba kasi ’yon? Sabihin n’yo na sa amin ng Daddy n’yo. Nag-aalala na kami. Gusto n’yo bang hindi makatulog ang Daddy at ang Papa n’yo? Sige kayo, iisipin namin magdamag ang problema ninyo. Gusto n’yo ba ’yon?” pagtatanong ko na sa kanila na may halong pangongonsensiya.

Mukhang nakaramdam naman sila ng hiya dahil pareho silang napayuko. Ito ang gustong-gusto ko kina Kryz at Marl. Bukod sa madali silang mapagsabihan ay wala silang itinatago sa amin ni Oliver. Kaya sa pangyayaring ito, alam kong sasabihin din nila ang totoo.

“Papa… Daddy…” pagtawag na sa amin ni Marl makalipas ang ilang sandali. “Naging bad kids po ba kami..?” malungkot na nitong tanong sa amin.

Hindi namin napigilan ang mas lalong mag-alala ni Oliver. Naintindihan ko naman ang sinabi niyang iyon kaya nakasabay ako kahit paano.

“H-ha..?” reaksyon ko lang na naguguluhan.

Hindi nakapagsalita ang dalawang bata dahil nanatiling nakatungo ang mga ulo nila. Dahil doon ay kumilos ako para ikalong si Marl, si Oliver naman ay kinuha si Kryz at pinaupo rin sa kanyang kandungan. Mukhang kakailanganin namin silang kausapin nang masinsinan.

“Sino naman ang nagsabi na bad kayo? Saan n’yo naman nakuha ang ideya na hindi kayo mababait na anak?” tanong ko na ngayon sa kanila.

Hindi ko maiwasan ang mag-isip nang hindi maganda. Iniisip kong baka may nang-aaway na sa kanila. At kung ganoon nga ang nangyari, sa tingin ko ay mapapaaway ako ano mang oras.

“Come on… Tell us… Pag-usapan natin nang maayos bago kayo matulog…” bulong ni Oliver kay Kryz at hinalikan pa ang ulo nito.

Mukhang nagkaroon naman ng lakas ng loob si Kryz kaya isang buntong-hininga muna ang pinakawalan nito bago ako hinarap.

“Kasi po, Papa, parang pinaghihiwalay namin kayo ni Daddy… Dito ka namin pinapatulog ni Marl sa room namin… Naiiwan si Daddy sa room n’yo nang walang kasama… Parang ang bad namin dahil kinukuha ka namin kay Daddy… Dapat po, kayo ang magkatabing matulog, ’di ba..?” malungkot na paliwanag ni Kryz sa akin.

“Mmmm-mmm… Bad kids kami ni Ate Kryz…” tumatango at malungkot ding pagsang-ayon ni Marl.

Natigilan kaming pareho ni Oliver sa pagtatapat nilang iyon. Nagkatinginan kami at hindi malaman kung ano ang aming magiging reaksyon.

Hindi ko alam kung kailan pa nila naiisip ang bagay na ito, pero ngayon ko lang napag-isip-isip ang mga pangyayari nitong huling isang linggo. Madalas kong nakikita na nag-uusap nang seryoso ang dalawang bata. Tuwing tatanungin ko naman sila, tungkol lang naman daw iyon sa nilalaro nila.

Huminga nang malalim si Oliver at niyakap si Kryz nang mahigpit. Mukhang nainggit naman ang aming bunso dahil kumilos ito paharap sa akin at niyakap ako. Hindi ko naman maiwasan ang matawa dahil sa pagkaaliw rito.

“Kryz, Marl,” malambing na pagtawag ni Oliver sa kanila. “Never kayong naging bad kids, okay? Itigil n’yo ang pag-iisip nang ganyan. Proud kami ng Papa ninyo dahil mababait kayo. Choice din namin kung bakit kailangan naming maghiwalay sa pagtulog. We want to make sure na mahimbing kayong makakatulog. Gusto rin namin, masaya kayong gigising. We will do anything and everything just to make you happy.” pagpapaintindi pa sa kanila nito.

Napangiti naman ako sa sinabing iyon ni Oliver.

“Tama ang Daddy ninyo. Don’t… D-don’t… Uhmm… ’Wag kayong mag-alala, masaya naman kami ng Daddy n’yo kahit hindi kami magkatabing natutulog sa kama. Mas mahalaga sa amin na makita kayong masaya. Isa pa, balak yata ni Daddy na bumili ng bagong kama. ’Di ba, Daddy? Mas malaki ang plano niyang bilhin para kasya na tayong apat! ’Di ba, Daddy? ’Di ba?” paliwanag ko na sa kanilang lahat.

Rumehistro ang pagtataka kay Oliver dahil sa aking sinabi. Hindi na ako nagtaka roon dahil wala naman talaga kaming napag-usapan na ganoong bagay - ang pagbili ng panibagong mahihigaan. Sinabi ko lang iyon dahil ayaw ko nang mag-alala pa ang dalawang bata. Bukas ko na lang siguro kakausapin si Oliver upang kumbinsihin na bumili ng bagong kama.

“Yeah…” tila ba napililitang pagsang-ayon ni Oliver sa akin. “Okay lang ’yon, kids. Matutulog na lang tayo nang sabay-sabay sa kama para complete na tayo. Okay lang kahit nami-miss ko nang katabi ang Papa n’yo. Okay lang kahit halos isang buwan ko nang hindi nayayakap ang Papa n’yo. Okay lang talaga. Okay na okay lang.” dugtong pa nito na may pagkasarkastiko. Pilit din ang kanyang ngiti at halatang hindi talaga gusto ang ideyang naisip ko.

Natawa ang mga bata sa sinabing iyon ni Oliver. Napansin din pala nilang hindi talaga sang-ayon ang kanilang Daddy. Napakatalino talaga ng mga batang ito at madaling naiintindihan ang nagaganap sa kanilang paligid. Ako naman ay naikagat na lamang ang ibabang labi para pigilan ang aking pagngiti. Naaaliw talaga ako kay Oliver tuwing nagrereklamo siya. Hindi maitago ang labis na inis sa kanya.

“That’s why me and Marl came up with a new decision, Daddy!” pagbabalita ni Kryz habang natatawa.

“And what is it?” tanong naman ni Oliver na nakangiwi.

Muling natawa ang dalawang bata. Ako naman ay naiwan na lamang na nakikinig at nanonood. Nagsimula na naman kasi sila sa kanilang ritwal na pagsasalita ng Ingles na hindi pa kayang i-proseso ng aking utak.

“Pumapayag na po kami, Papa, Daddy,” pagsagot na ni Marl sa pagkakataong ito. “Big boy na po ako saka babantayan naman daw po ako ni Ate Kryz. You may now sleep with each other na po! Kami na lang po ni Ate Kryz dito sa room namin!” dugtong pa nito sa masiglang tono.

Muli ay natigilan kami ni Oliver sa narinig namin mula sa kanila. Dahil doon ay kumuha na rin si Kryz ng pagkakataon upang muling makapagsalita.

“Papa,” pagtawag nito sa akin habang nakangiti. “Bumalik ka na po sa kwarto ninyo ni Daddy. Alam naman po namin na nami-miss mo na rin siyang katabi, ’di ba? Don’t worry about us po. Ako na po ang bahala kay Marl.” dugtong pa nitong pakiusap sa akin.

Hindi ko alam kung paano makakapagbigay ng reaksyon sa kanilang mga sinabi. Sa totoo lang ay hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala lalo na kay Marl.

“A-ahm… Sigurado ba kayo? Paano ’pag gusto n’yong mag-weewee sa madaling araw? Sino ang makakasama n’yo sa CR?” tanong ko sa kanila.

Pareho naman silang natawa. Maging si Oliver ay naaliw sa aking katanungan.

“Papa, big girl na ako! Hindi ko na kailangan ng help ’pag pupunta sa banyo! Ikaw lang naman po ang nagigising sa madaling araw para samahan ako, eh! Kahit naman noon, kaya ko nang pumunta sa restroom kahit walang kasama. Pero si Marl, puwede naman po natin suotan muna ng diaper kasi takot siya sa monster!” pagtutol sa akin ni Kryz at pang-aasar sa kanyang kapatid.

“Ate, naman, eh! Sabi mo, sasamahan mo ako, ’di ba?! Saka hindi na ako nagda-diaper! Big boy na ako! May crush na nga ako, ’di ba?!” pagkontra naman ni Marl sa kanyang nakatatandang kapatid. Matapos iyon ay mabilis din niyang tinakpan ang kanyang bibig gamit ang palad dahil sa huling bahagi ng kanyang sinabi.

Nanlaki ang mga mata namin ni Oliver dahil sa pagkasorpresa.

“Crush?! Marl, you just turned five, yet, may crush ka na?! You’re still a baby! And who’s that girl?! Kailangan naming makilala ’yan ng Papa mo!” pagbibiro ni Oliver sa aming bunso. “Kryz, kilala mo ba?! Sabihin mo sa amin ng Papa mo!” paghingi pa nito ng saklolo sa kanyang panganay.

“Tumigil ka nga, Daddy!” pagsaway kong natatawa kay Oliver at marahang pinalo ang binti nito. Tinatakot niya kasi ang mga bata. Baka sa susunod ay hindi na sila magsabi ng sikreto nila.

Pero sa totoo lang, ang bata pa ni Marl para magkaroon ng crush! Ako nga, kailan ko lang iyon nadiskubre! Bakit siya, ang bilis yata?!

Umiling-iling si Marl nang maraming beses habang takip pa rin niya ang kanyang bibig. Ganoon din ang ginawa ni Kryz, halatang pinoprotektahan ang kanyang kapatid. Pinaparating nito sa amin na hinding-hindi nila iyon sasabihin sa amin.

Mukhang nagsisimula na ang kinakatakot ko. Marunong nang magtago ng sikreto ang mga batang ito.

“Right! Hindi n’yo sa amin sasabihin?!” tanong ni Oliver kina Marl at Kryz na may halong pagbabanta. May pilyo rin itong ngiti at unti-unti ay kumilos papalapit sa amin.

“Mmm-mmm!” sagot na umiiling naman nina Kryz at Marl.

Matapos ang pagsagot nilang iyon ay pare-pareho kaming nagulat dahil sa pag-atake ni Oliver para kilitiin sila. Dahil doon ay napuno ng tawanan ang bawat sulok ng kwarto dahil sa saya.

“Tell us! Sino ang crush ni Marl?!” tanong pa ni Oliver habang kinikiliti ang mga bata.

“NO!!!” sabay na sagot naman ng dalawa.

Naging napakasaya ng gabing ito sa aming apat. Nag-uumapaw na tuwa ang aking naramdaman dahil parang nagbalik na talaga sa normal ang lahat. Masaya na ulit kami tulad nang dati. Isang bagay na lang ang kailangan naming paghandaan ni Oliver, iyon ay ang ipagtapat sa mga bata ang katotohanang hindi ako ang tunay na Weldy.

“Are you sure, okay na kayo rito?” tanong ni Oliver kina Kryz at Marl matapos ang maingay at magulo ngunit masayang kaganapan sa amin ng mga ito.

“Yes, Daddy!” sabay na sagot naman ng dalawang bata matapos ko silang lagyan ng kumot.

“’Pag may kailangan kayo, kumatok lang kayo sa kwarto namin, ha?” paalala ko naman sa kanila.

Tumango naman sila bilang pagtugon. Napakamasunurin talaga nila.

Bago kami tuluyang lumabas sa kwarto ng mga bata ni Oliver ay pinapak muna namin sila ng halik. Kung hindi pa nagreklamo ang dalawang bata ay hindi rin kami titigil. Nakakagigil kasi sila.

Nagsimula kaming maglakad patungo sa kwarto namin ni Oliver. At sa hindi ko malamang dahilan ay bigla na lamang akong nakaramdam ng labis na nerbiyos.

“Hey, okay ka lang?” tanong sa akin ni Oliver.

“H-ha?” nauutal ko namang tanong. Parang nabingi na rin ako.

“Nanginginig ang kamay mo,” sagot nito dahil magkahawak-kamay kaming naglalakad patungo sa aming kwarto. “Pinagpapawisan ka rin. Ayos ka lang ba talaga?” sunod niya pang tanong at pinunasan ang pawis ko sa noo gamit ang palad nito.

Napalunok ako dahil hindi ko alam ang isasagot. Bakit nga ba bigla akong kinabahan? Dahil ba magtatabi na kami ulit ngayon sa higaan? Eh, dati naman na kaming nagtatabi. Ngayon lang naman mauulit.

“U-uhmm… Ayos lang ako, Daddy. B-baka napagod lang ako sa pakikipaglaro sa mga bata kanina?” nauutal kong pagdadahilan sa kanya.

Tumango siya nang marahan bilang pag-intindi, ngunit sa kabila no’n, alam kong hindi ko siya nakumbinsi. Naroroon pa rin kasi sa kanyang ekspresyon ang pagtataka dahil sa aking ikinikilos.

Nang marating namin ang aming kwarto ay muli kong naamoy ang bango na bumabalot dito. Ang kwarto kasi ng mga bata ay amoy candy, samantalang ang aming kwarto ay amoy bulaklak na nakabibighani. May hatid itong aroma na nakakakalma. Habang nagtatagal din ito sa pang-amoy ay matatagpuan mo na lamang ang iyong sarili na nakapikit habang nakangiti.

Dahil sa labis na nerbiyos ang namamayani sa akin ay napapitlag pa ako nang marinig ang pag-lock ni Oliver sa pintuan.

“France, sigurado ka bang ayos ka lang?” tanong ni Oliver at hinawakan ang pisngi ko. Nasorpresa na lang din ako dahil nasa tapat ko na pala siya. Hindi ko na napansin ang kanyang pagkilos dahil naiwan akong nakatulala.

“A-ahm… O-oo naman, Daddy…” nauutal kong sagot. Kasunod nito ay mabilis akong humakbang patungo sa kama namin nito. “Tara na! Matulog na tayo! Maaga pa akong magigising para magluto ng almusal ng mga bata!” natataranta ko pang pagyaya sa kanya habang nagkukumot.

Ano ba talagang nangyayari sa akin?! Bakit ganito na lang ako mataranta?! Bakit pakiramdam ko ay may mga daga sa aking dibdib na naghahabulan?! Hindi ba dapat ay matuwa ako dahil magkakatabi na ulit kami sa kama?! Bakit parang iwas na iwas ako na kahit tingnan lang siya sa mga mata ay hindi ko magawa?!

Nakakunot pa rin ang noo ni Oliver na pinatay ang ilaw rito sa kwarto. Ang tanging naiwan na lamang ay ang isang malamlam na ilaw na nasa tabi ng kama namin dito.

Mukhang naguguluhan talaga sa akin si Oliver dahil napakamot pa ito ng ulo habang naglalakad palapit sa aking pwesto.

Masama man itong ginagawa ko, ngunit hindi ko naiwasan ang magdasal na animo’y nasa isang panganib ako. Naipikit ko pa ang aking mga mata dahil iniiwasan ko talagang tingnan si Oliver.

Nababaliw ka na, France! Hindi mo ba kayang umarteng normal lang ang lahat?!

Naramdaman ko ang dahan-dahang pagkilos ni Oliver upang humiga sa kama. At kung kanina ay nerbiyos lang ang aking nararamdaman, ngayon ay parang lulubog na lamang ako sa aking hinihigaan dahil sa kaba. Iyon din ang naging dahilan upang talikuran ko ang kanyang pwesto at magpanggap na matutulog na ako.

Katahimikan ang namayani sa buong kwarto. Alam kong nakikiramdam lang si Oliver dahil ganoon din ako. Hanggang ngayon ay gulong-gulo pa rin ako sa sarili ko.

“France…” pagtawag na malambing sa akin ni Oliver na halos nakadikit na ang kanyang labi sa aking tainga.

Kinilabutan ako sa paraan ng pagtawag niya sa aking iyon. Tumayo ang dapat na tumayo sa aking katawan tulad ng balahibo.

“D-daddy…” nauutal ko pa rin na pagsagot at mariin ko na namang naipikit ang aking mga mata.

Narinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga. Muli na naman akong nangilabot dahil kumpirmadong nakadikit nga ang kanyang bibig sa aking tainga.

“Tingnan mo kaya ako? Bakit ba nakatalikod ka sa akin? May naging problema ba? Ayos naman tayo kanina, ’di ba? Bakit bigla ka na lang nag-iba? May ginawa ba akong mali? Na-e-excite pa naman ako dahil sa wakas, pinakawalan ka na ng mga bata. Gusto ko rin na makapag-usap tayo nang masinsinan dahil may importante akong sasabihin. Ang tagal kong hinintay na mangyaring magtatabi ulit tayo tulad nito. Ang kaso, parang ayaw mo naman akong makausap. Tinatalikuran mo pa ako.” mahabang pangongonsensiya nito sa tonong magtatampo.

Nang marinig ko iyon sa kanya ay nakaramdam ako ng hiya sa sarili. Sa mga salitang kanyang binitiwan ay tila ba may mabigat na bagay ang unti-unting pumatong sa aking dibdib.

Naimulat ko ang aking mga mata at naikagat ang ibabang labi. Isang malalim na buntong-hininga rin ang aking pinakawalan upang makaipon ng lakas ng loob na siya ay harapin.

Hindi na ako nagsayang pa ng segundo. Matapos ang kaunting paghahanda ay kumilos ako para harapin si Oliver na hanggang ngayon ay naghihintay ng aking sagot.

“Hindi ko rin alam, Daddy! Basta pagpasok natin dito, nag-iba na ang pakiramdam ko! Parang… Parang… Parang kinakabahan ako?! Hindi ko alam! Hindi naman ako madalas na nagkakape, ’di ba?! Pero bakit ako nine-nerbiyos?! Kinakabahan ako sa hindi ko malamang dahilan, Daddy!” malakas kong paliwanag sa kanya habang magkatapat ang aming mga mukha.

Bakas ang pagkagulat kay Oliver dahil sa aking naging paliwanag. Nanlalaki ang kanyang mga mata dahil sa pagtataka. Ngunit makalipas lang din ang ilang segundo ay ako naman ang nagulat dahil sa biglang pagtawa nito.

“Daddy, naman, eh! Bakit ka ba tumatawa?! Nanghihingi ka ng paliwanag, ’di ba?! Bakit ngayon, tumatawa ka lang?!” naiinis kong tanong at hinampas nang marahan ang braso niya.

“Wait! Stop it, France!” natatawa pa rin na pag-awat sa akin ni Oliver at hinawakan ang aking kamay na ginagamit kong pamalo sa kanya. “Akala ko kasi, kung ano na! Akala ko may problema tayong dalawa kaya hindi ko naiwasan ang mag-alala!” sunod pa nitong pagbibigay ng reaksyon.

Napanguso naman ako dahil doon. Nakabuti rin kahit paano ang nangyari ngayon dahil nabawasan nang bahagya ang aking nerbiyos. Nakita ko kasi kung paano ko napasaya si Oliver sa naging tagpo.

Hinintay kong kumalma si Oliver. Inabala ko na lamang ang aking sarili sa pagtitig sa kanya habang siya ay tumatawa. Ang sarap kasi niyang pagmasdan tuwing napapasaya ko siya.

“Actually, France, pareho tayo,” wika na ni Oliver matapos ang pagtawa nito. Kasunod nito ay kinuha niya ang aking isang kamay at ipinatong sa kanyang dibdib ito. “Kinakabahan din ako, pero alam ko ang dahilan ng kaba ko.” dugtong pa nitong nakangiti.

Nararamdaman ng aking palad ang mabilis na pagtibok ng puso ni Oliver. At ngayong namamayani ang katahimikan sa aming dalawa, malinaw ko rin na naririnig ang tila pagwawala nito.

“B-bakit, Daddy? Bakit ka kinakabahan?” tanong ko sa kanyang nauutal.

Sa halip na sagutin ako agad ay hinalikan niya muna ang dulo ng aking ilong.

“Hindi ko muna sasabihin. Kailangan ko muna ng timing.” pagsagot na niya sa pagkakataong ito.

“Hala?? Ano ba naman ’yan, Daddy?! Sabihin mo na kasi!” reklamo ko na ngayon sa kanya.

“Pilitin mo muna ako?” panunukso naman nito.

Gusto kong malaman kung bakit siya kinakabahan. Tutal naman ay hindi pa ako inaantok kaya nag-isip muna ako ng paraan upang makumbinsi siya.

“Sige na, Daddy… Sabihin mo na…” panunuyo ko na sinasabayan nang marahang pagyugyog sa katawan niya.

Humiga nang maayos si Oliver at ipinatong ang kanyang braso sa noo nito. Tila ba iniignora niya rin ako.

“Hindi ko pa rin sasabihin.” may pigil sa pagngiti nitong pagtutol.

Hindi ako sumuko. Ang ginawa ko ay umangat nang bahagya upang magkatapat muli ang ing mga mukha. Dahil doon ay nauwi kami sa posisyong nakadapa ako sa ibabaw ng kanyang katawan.

“Daddy, sige na… Ano bang gusto mo para sabihin mo sa akin..? Sabihin mo na…” pamimilit ko pa rin sa kanya.

Nakita ko kung paano naningkit ang mga mata ni Oliver na tumingin nang tuwid sa akin. At sa nangyaring iyon, isa lang ang kahulugan no’n — sasabihin niya lang iyon kung may kondisyon.

“France, sasabihin ko sa ’yo. Pero, kiss muna?”

Sinasabi ko na nga ba. Hindi nga ako nagkamali. May hihilingin muna siya bago sabihin ang isang sikreto sa akin.

“Daddy, naman, eh…” reklamo ko. Nakaramdam kasi ako ng hiya sa kondisyon niyang iyon.

“O, sige, matulog na lang tayo.” sagot naman niya at ipinikit agad ang kanyang mga mata.

Naiinis ako, at kahit gusto ko na siyang kurutin sa tagiliran dahil sa kanyang pagmamatigas ay hindi ko iyon ginawa. Kahit paano naman ay kilala ko na siya. Hindi niya talaga iyon sasabihin sa akin kung hindi ko rin masusunod ang utos niya. Ganitong-ganito rin ang taktika niya sa pagdi-disiplina ng kanyang mga anak.

Nakapikit pa rin si Oliver at halatang naghihintay sa aking magiging hakbang. Wala na nga akong magagawa kundi ang sundin ang kanyang kautusan. Kaya bago pa siya tuluyang makatulog, sinimulan ko na ang kumilos upang siya ay pagbigyan.

Dahan-dahan ay kumilos ako upang magkalapit pa ang aming mga mukha. Sa pamamagitan ng malamlam na ilaw sa aming kwarto, malaya kong napagmasdan ang maamong mukha nito. Kitang-kita at nababasa ko ang kanyang saya sa mga oras na ito. Hindi ko naman mapigilan ang mapangiti dahil alam kong ako ang dahilan no’n.

Ilang pulgada na lamang ang pagitan ng aming mga mukha. Naaamoy ko na rin ang mala-Colgate na kanyang hininga. At habang palapit nang palapit ang aming mga labi ay sinimulan ko nang ipikit ang aking mga mata.

Ilang segundo rin ang aming hinintay hanggang sa magtagpo ang labi naming dalawa. At nang tuluyang magdikit ang mga ito ay parang sasabog na rin ang aking dibdib dahil sa labis na saya.

Naramdaman ko ang pagtugon ni Oliver sa aking halik. Ang malalambot niyang labi ang naging daan upang ipahatid ang mga mensahe niya sa akin.

Sa una ay marahan, ngunit sa paglipas pa ng bawat segundo ay ang pagdiin nito na pagkasabik ang dahilan.

Nailagay ni Oliver ang kanyang mga kamay sa aking likod at mahigpit na niyakap ang katawan ko. Ginantihan ko naman iyon nang madiin na pagkapit sa mga balikat nito.

Ngayon ko nakumpirma kung bakit ako nakakaramdam kanina ng nerbiyos. Ngayon ko nalaman sa aking sarili na hindi kaba ang aking nararamdaman. Ito ang pakiramdam na gusto ko siyang mahagkan. Iyon ay dahil ngayon lang kami nabigyan ng pagkakataong maging malaya nang walang itinatago sa isa’t isa.

Hindi na namin makontrol ni Oliver ang aming mga sarili. Matapos ang naglalagablab naming pagpapalitan ng halik ay naghiwalay ang aming mga labi.

Magkadikit ang aming mga noo habang pareho kaming tila naghahabol ng hininga sa mga oras na ito.

“F-france…” namamaos ang kanyang boses na pagtawag sa akin. Namumungay rin ang kanyang mga mata na tila nais niya pang isigaw ang aking pangalan nang ilang ulit pa.

Hindi ko na hinintay pang makapagsalita si Oliver. Alam ko na ang nais niyang sabihin at iyon din naman ang nais ko sa kanyang iparating.

Mula sa pagkakadapa ko sa kanyang ibabaw ay kumilos ako para umahon. Naging napakabilis ng pangyayari dahil pinaghiwalay ko ang aking mga hita upang makaupo ako sa kanyang bandang puson.

Hindi na rin ako naghintay pa ng ilang sandali. Mula sa pagkakaupo ay agad kong hinubad ang suot kong sando. Kasunod nito ay ibinalik ko ang paghalik kay Oliver nang mapusok.

Aaminin ko, ito na yata ang kahinaan ko. Alam ko ang hapdi at sakit na maaari kong matamo. Ngunit alam ko rin, na ang susunod na mga tagpo ang siyang magdadala sa akin sa isang magandang paraiso.

Mula sa ilalim ay kumilos si Oliver upang magkapalit kami ng pwesto. At tulad ng ginawa ko kanina, saglit niyang pinaghiwalay ang aming mga labi upang hubarin naman ang sando na suot niya.

Mahabang sandali pa ang ibinigay namin para suklian ang halik ng isa’t isa. Ramdam ko na rin ang nag-aapoy sa init naming mga katawan dahil sa magkadikit naming mga balat.

Naging mabilis sa pagkilos si Oliver dahil sa pananabik na ako ay maangkin. Ipinararamdam ko naman sa pamamagitan ng aking paghaplos sa kanyang katawan ang sagot ko.

Hanggang sa hubarin na nga ni Oliver ang kanyang mga natitirang saplot, mas naging kapanapanabik ang mga sumunod na tagpo.

Impit na pagsigaw ang aking nagagawa dahil sa sensasyong dala ng paghalik ni Oliver sa aking katawan. Sa paglalaro niya sa aking leeg, dibdib, maging sa aking puson na naging dahilan upang ako ay mapaliyad. Iyon na rin ang ginamit ni Oliver na pagkakataon upang hubarin ang aking pangloob kasabay ng aking short.

Sa bawat paghaplos niya sa aking balat ay nakaramdam ako ng seguridad. Maging nang bumaba pa ang kanyang halik patungo sa aking ibabang bahagi ay hindi nawawala roon ang pag-aalaga. Pakiramdam ko ay isa akong babasaging krystal. Hinahawakan niya ako nang may buong pag-iingat.

Hindi ko na alam kung saan pa ako kakapit. Dahil sa init ng bibig ni Oliver na kasalukuyang nakikipagduwelo sa maselang bahagi ko, halos bumaon ang aking mga kuko mga balikat nito. Isa rin sa mga naging katuwang ko ay ang unan na nasa aking ulo. Mahigpit ko iyong kinakapitan habang may namumutawi sa aking bibig na mahihinang pag-ungol.

Paminsan-minsan ay sinusubukan kong tingnan si Oliver na ang mukha ay nasa pagitan ng aking mga hita, ngunit tuwing nakikita nito ang aking reaksyon ay tila ba mas lalo siyang ginaganahan sa kanyang ginagawa.

Masyado pang maaga para marating ko ang hangganan, kaya bago pa iyon maganap ay mabilis ko siyang inangat upang muling mahalikan.

“I love you, France… I love you…” paulit-ulit niyang bulong sa pagitan ng paghalik sa akin.

Tanging pagtango lang ang aking naisasagot. Tila ba nauubusan na rin kasi ako ng lakas upang magsalita dahil sa napakahusay na pagromansa sa akin nito.

Matapos ang kanyang makasaysayang pagsamba ay maingat niya akong pinadapa sa kama. Alam ko na ang magaganap kaya nag-ipon na rin ako ng sapat na lakas.

Malamig. Madulas. Malapot.

Iyan lang ang depinisyong alam ko sa likidong ipinahid niya sa likuran ko. Kinuha niya iyon mula sa maliit na drawer malapit sa kama namin nito.

Kaunting pag-angat ng aking bewang ang kinailangan kong gawin upang makapaghanda. Lumuhod ako nang bahagya at nanatiling nakadikit sa kama ang aking mukha.

Ilang sandali pa ang aming hinintay.

Mahapdi. Makirot. Masakit. Tila ba pagkatao ko’y unti-unting napupunit.

Ganyan ko matutukoy ang aking eksaktong nararamdaman sa pakikipagbuno niya sa aking lagusan.

Naging matagumpay makalipas ang matiyaga naming paghihintay. Sa wakas, naging iisa na nga ang aming mga katawan.

Tulad ng aming mga halik, sa umpisa ay marahan lamang. Ngunit sa pagpapatuloy ng laban, nakalikha ng ingay ang mga balat naming nagsasalubong at nag-uumpugan.

Mas madiin ang naging pagkapit ko sa unan. Si Oliver naman ay mahigpit din ang pagkapit sa aking bewang. Sa aking bawat pagtanggap at sa kanyang bawat pag-ulos, isinisigaw namin ang isa’t isang pangalan.

Matagal at mas lalo pang naging maalab. Sa pamamagitan din nito ay pinaramdam namin sa isa’t isa na hindi lamang ito basta pangangailangan lang ng aming mga katawan — siniguro naming naroroon ang nag-uumapaw naming pagmamahal.

“France… Nandiyan na ako… I want to see you…” sambit ni Oliver na nasundan ng kanyang pag-ungol.

Hindi ko na nagawa pang makasagot. Naging mabilis ang pangyayari nang paghiwalayin ni Oliver ang aming mga katawan at inalalayan akong makahiga sa kama.

Muli siyang pumwesto sa pagitan ng nakahiwalay kong mga hita. Nakaluhod siya sa kama kaya bahagyang malayo ang aming pagitan. Iyon din ang naging dahilan upang malaya ko siyang mapagmasdan.

Namumula ang kanyang mukha at pawisan ang kanyang buong katawan. At para sa akin, isa siyang napakagandang tanawin na masarap sa matang tingnan.

Muli ay pinasok niya ang aking tahanan. At sa kanyang posisyon na nakaluhod, inabot ng kanyang palad ang sumasaludo ko nang sundalo.

Kasabay ng kanyang bawat pag-ulos ay ang paghilot niya nang taas-baba sa alagad ko. Hindi ko na kaya pang sabayan ng pagbibilang iyon dahil lubhang napakabilis nito.

Tuluyan na akong nawala sa katinuan. Maging si Oliver ay tila ba naligaw na rin sa kawalan. Napapaliyad ako nang matindi habang siya ay nakatingala sa kisame. Animo’y nalulunod kami sa karagatan at humihingi ng saklolo dahil sa pagsigaw namin nang paulit-ulit.

“D-daddy… Daddy…” pagtawag ko sa kanyang hinihingal dahil sa nalalapit kong pagsabog.

Mas pinagbuti niya ang kanyang ginagawang pagpapaligaya sa akin. Kaya naman ilang sandali rin lamang ay kumalat sa aking dibdib at puson ang ebidensiyang narating ko na ang langit.

“F-france… M-malapit na rin ako…” nauutal na sambit ni Oliver habang patuloy sa kanyang pag-ulos.

Nanginginig ang kanyang buong katawan. Mas naging madiin din ang bawat pagbaon nito sa aking tahanan.

Ilang sandali pa ay isang pahabang pag-ungol ang kanyang pinakawalan. Doon ko na rin naramdaman sa aking loob ang mainit at matagumpay niyang pagpapasabog.

Hingal na hingal kaming pareho sa naganap. Naubos ang aming mga lakas kaya naman hindi naiwasan ni Oliver ang dumapa sa aking ibabaw.

Pareho naming dinama ang mabibilis na pagtibok ng aming mga puso. Walang namutawing mga salita sa mga labi namin nito. Pilit kaming bumabawi ng hangin sa katawan dahil sa matinding sagupaan.

Napapikit ako dahil sa matinding pagkahapo. Naiwan ang aking mga kamay na wala na ngayong lakas upang kumapit sa kama. Si Oliver naman ay hinayaan kong manatili sa aking ibabaw. Hindi ko makita ang kanyang mukha dahil nakadikit ito sa aking kaliwang tainga. Tila ba mas pinili niya rin ang makabawi ng lakas sa ganoong posisyon kaya pinagbigyan ko na.

Ilang sandali pa ang lumipas ay naidilat ko ang aking mga mata nang dahan-dahan dahil sa pagtataka. Binalot ako ng katanungan nang may ilagay si Oliver na isang malamig at maliit na bagay sa kamay kong nakalatag sa kama.

Sinubukan kong lingunin iyon, ngunit bago ko pa iyon magawa ay ang mabilis naman na pag-awat sa akin ni Oliver.

“Sandali lang, France…”

Napakalambing ng pagtawag niya sa aking pangalan dahilan para madali niya akong mapasunod. Kaya naman sa halip na tumutol ay naghintay na lamang ako sa mangyayari at sa mga sasabihin nito.

Mula sa aking kamay ay naramdaman kong kinuha ni Oliver ang maliit at malamig na bagay na aking tinutukoy. At ilang sandali pa nga lamang ay napapitlag ako nang ilagay naman niya iyon sa palasingsingan ko.

Unti-unti ay inangat ni Oliver ang kanyang mukha upang magtagpo ang aming mga mata. Sinalubong niya ako nang napakagandang ngiti na bihira niya lamang sa aming ipakita.

Dahan-dahan ay nilingon ko ang aking kamay. At nang makita ko ang isang bagay na nakasuot sa aking palasingsingan ay mas lalo pang nadagdagan ang aking katanungan.

Isang singsing na kulay pilak ang isinuot sa akin ni Oliver. Kumikinang din ito dahil sa tatlong bato na tila diyamante ang nakadikit dito.

Hindi ko magawang magsalita dahil pa rin sa pagtataka. Ang tanging nagawa ko lamang ay magtanong kay Oliver sa pamamagitan ng aking mga mata.

“France, gusto kong maging opisyal na tayong mag-asawa.”

“Gusto kong magsimula ulit na ikaw ang kasama.”

“Gusto kitang pakasalan bilang Francisco Castillo at hindi bilang ibang tao.”

“Gusto kong bumuo tayo ng totoong pamilya kasama ang mga anak ko.”

“Pumapayag ka ba? Pumapayag ka bang maging Mr. Francisco Castillo Santillan?”

Sinasabi ni Oliver ang mga salitang iyon habang may ngiti sa kanyang labi. At sa bawat salitang kanyang binitiwan ay ramdam ko ang katapatan at nag-uumpaw niyang pagmamahal sa akin.

Dahil sa pangyayaring ito ay parang sasabog na naman ang dibdib ko. Hindi ko maipaliwanag ang aking eksaktong nararamdaman, ngunit ang mabilis na pagdaloy ng aking mga luha habang may ngiti sa aking labi ang siyang naging kasagutan.

“Hey, bakit ka umiiyak?” tanong na natatawa sa akin ni Oliver.

Umiling ako habang patuloy na lumuluha.

“H-hindi ko alam, Daddy… Ang alam ko lang, masaya ako… Sobrang saya ko…” sagot ko sa kanya at niyakap siya sa leeg.

Muli ay natawa siya.

“So, is it a

‘Yes’

? Pumapayag ka na bang maging official na asawa ko?“ tanong niya sa tonong tila pinipigilang mapasigaw.

Naghahanda na sana akong tumango bilang pagtugon, ngunit may isang bagay akong naalala na siya ring nagbura sa magandang ngiti ko.

Dahan-dahan ay humiwalay ako kay Oliver habang may pag-aalala sa aking ekspresyon.

“P-paano ang mga bata..? Baka magulat sila sa naging desisyon mo..?” tanong ko rito.

Ang inaasahan ko ay mapapaisip si Oliver, ngunit hindi nabawasan ang maganda niyang ngiti.

“Pinag-isipan ko na ’yan, France. Hindi naman natin sila bibiglain. Hindi rin tayo sa kanila maglilihim. Sasabihin natin na magpapakasal tayo sa US. Alam kong magtataka sila sa umpisa kaya hindi muna natin sila isasama. After our wedding, pasusunurin natin sila roon with their Tito Michael. Walang magbabago sa plano. Ipagtatapat pa rin natin sa kanila nang paunti-unti ang totoo. Pero sa ngayon, walang ibang mahalaga sa akin kundi ang pakasalan ang taong mahal na mahal ko — walang iba kundi ikaw, Francisco Castillo.” mahabang paliwanag ni Oliver sa mas malambing nitong tono.

Dahil sa kanyang mga sinabi ay mabilis akong nakumbinsi. Ang nawala kong ngiti ay mabilis din na nagbalik sa aking labi.

“So, pumapayag ka na? Handa ka na bang maging Francisco Santillan?” pag-uulit ni Oliver sa kanyang katanungan.

Talagang napakasaya niya na sadyang nakakahawa.

“Mmmm…” sagot kong tumatango. “Pumapayag ako, Daddy.” sunod ko pang pagkumpirma rito.

Nang marinig ni Oliver ang kasagutan kong iyon ay nasaksihan ko kung paano nagliwanag ang kanyang mga mata. At kung kanina ay pinipigilan niyang sumigaw, sa pagkakataong ito ay hindi na niya iyon napigilan.

Paulit-ulit siyang sumigaw dahil sa kasiyahan. Yakap niya ang aking katawan at halos magpagulong-gulong na kami sa kama na aming hinihigaan.

May ilang beses ko naman siyang sinaway dahil sa pag-aalalang baka magising ang mga bata, ngunit kahit anong gawin kong pagpigil ay hindi talaga siya nagpaawat. Isinisigaw niya pa rin ang kanyang saya na ngayon ko lamang nakita.

“I love you, Fra—!”

“Ssshhh! ’Wag mong banggitin ang pangalan ko, Daddy!” pagsaway ko sa kanya matapos kong takpan ang kanyang bibig. “I love you too, Daddy…” malambing ko na ritong dugtong.

Mas naging mahaba pa ang gabi para sa aming dalawa ni Oliver. Dahil sa labis naming tuwa, ang una naming pagniniig ay nasundan pa.

Naging mas matindi. Naging mas maalab. Naging mas malakas din ang aming mga paghiyaw.

Dahil din sa ingay na aming nagawa ay hindi namin inaasahang magigising ang aming mga anak. Pareho kaming nataranta ni Oliver nang marinig na lamang namin ang mga pagkatok at pagtawag nila mula sa aming pintuan. Mabuti na lang pala at katatapos lang namin sa tinatawag ni Oliver na ‘Fourth Round’ . 

Sa huli, sabay-sabay kaming nakatulog sa kama nitong aming kwarto. Magandang bagay rin na mas malaki ang kama rito kaya nagkasya kaming lahat dito. Hindi pa nga kami tinigilan sa pagtatanong ng mga bata kung ano ba ang nangyari at nag-iingay kami. Nag-aalala sila na baka nag-aaway na kami ng kanilang Daddy. Mabuti na lang at mabilis na nakaisip ng ipapalusot si Oliver. Wala na rin kasi akong lakas upang mag-isip ng idadahilan dahil pakiramdam ko ay natuyuan na ako ng tubig sa katawan.

Siguro nga ay kinakailangang subukin ang isang relasyon upang ito ay mas maging matatag. At sa mga nangyari sa amin ni Oliver, malaki ang pasasalamat ko dahil hindi siya bumitiw at umayaw.

Sa panibagong yugto ng aming relasyon, isang bagay lang ang natutuhan at napatunayan ko….

Walang perpektong relasyon. Lahat ay sinusubok ng oras at panahon. Ngunit hangga’t pareho kayong kumakapit at sabay na lumalaban, sa mga susunod na pagsubok ay wala na kayong katatakutan.


A/N

Share your thoughts, guys! Nami-miss ko na ang mga panghuhula n’yo rito. Bwahahaha!

Para kay

bootylicksious

ang chapter na ito! Ikaw! Oo, ikaw nga! Hanggang ngayon ay shookt pa rin ako sa mga messages mo! Hahahaha! Sorry, hindi ako makasagot ngayon. Hindi pa ako nag-o-open ng FB. Anyway, salamat sa support mo! Mwah!

’Til next chapter na lang po! Sana ay okay na talaga si Watty para makasagot na ako sa comments n’yo. Salamat sa patuloy na pag-aabang at pagbabasa nitong kuwento! Labyu, guys!

–– cold_deee ❤

09.24.2018

Chapter 28

(A/N: Para mas dama ang buong chapter, puwede n’yong i-play ang nasa media. Title: Kiss The Rain - By Yiruma)

  ![](https://img.wattpad.com/2460a285b66f6f763fbb83394be42259d69efcdc/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f4f696f41544231724b4c6c6731513d3d2d3439333033363533372e313535623537613561613666303136383437333538323632343637312e6a7067)

FRANCE POV

Sa mga nakalipas ng linggo at buwan ay naging abala ang bawat araw namin ni Oliver. Tulad dati, maaga pa rin akong gigising sa umaga upang ipaghanda ng agahan at asikasuhin ang mga bata sa pagpasok sa kanilang eskwelahan. Matapos naman iyon ay ang paghahanda naman namin sa pag-alis ni Oliver upang asikasuhin ang aking mga dokumento para makalabas ng bansa.

Tulad nga ng plano namin ni Oliver na magpakasal, kinailangan naming ayusin ang mga papeles na aming kakailanganin. Magmula sa pagkuha ng ID hanggang sa pagkuha ng aking pasaporte, nakasama ko si Oliver. Napagdesisyunan niyang hindi muna bumalik sa trabaho dahil kakailanganin ko pa ito.

Naging matiyaga sa akin si Oliver. Siya ang gumabay sa akin mula sa pagbabasa at pagsusulat sa mga dokumentong dapat kong sagutan. Nahihiya man ako sa kanya dahil marami akong hindi maintindihan, hindi naman niya sa akin pinaramdam na may dapat akong katakutan. Lagi siyang nasa aking tabi upang ipaliwanag ang mga bagay na hindi ko alam. At sa bawat pagtuturo niya sa akin, hindi rin nawawala ang kanyang magandang ngiti.

“Ayan! Tapos na, Daddy!” masigla kong sambit matapos kong hilutin ang kanyang likod.

Dahan-dahan ay kumilos si Oliver upang makatihaya mula sa kanyang nakadapang pwesto.

“Ikaw naman ang i-massage ko? Alam kong pagod ka rin.” alok nitong nakangiti sa akin.

Umiling naman ako at hindi naiwasan ang bahagyang matawa.

“’Wag na! Ayos lang naman ako!” pagtanggi kong nakangiti sa kanya. “Saka nakikiliti ako ’pag minamasahe ako, ’di ba?!” dugtong ko pang natatawa. Naalala ko kasi ang aking eksena noong nagpamasahe kami sa isang SPA sa Palawan.

Malalim na ang gabi at katatapos lang namin patulugin sina Kryz at Marl. Ngayon ay naririto naman kami sa aming kwarto upang maghandang magpahinga. Alam kong pagod si Oliver dahil sa araw-araw namin nitong nilalakad. Siya ang laging nagmamaneho ng sasakyan sa bawat establisyimentong aming pupuntahan. Kaya naman bago kami matulog ay inalok ko siya ng masahe para naman mabawasan ang kanyang pagod kahit kaunti man lang.

Hinakawakan niya ang aking isang kamay at hinalikan iyon.

“Ikaw nga itong dapat na minamasahe, France. Maaga kang gumigising para lang asikasuhin ang mga bata. Ihahatid mo sila sa school, then, babalik ka para naman asikasuhin ako. Minsan, nag-aalala na ako sa kalusugan mo. Baka napapagod ka na? Baka magkasakit ka na niyan?” pag-aalala naman nito.

Muli ay natawa ako sa kanya.

“Daddy, sanay na sanay ako sa gawaing-bahay! Kung tutuusin, hindi nga ako napapagod dito! Iilan lang kayong inaasikaso ko kumpara sa mga batang nasa bahay-ampunan na pinanggalingan ko! Maliit na bagay lang ang mga ginagawa ko!” pagyayabang ko pa sa kanya.

Totoo naman ang sinasabi ko. Noong nasa bahay-ampunan pa lamang ako, gigising na ako bago mag-alas-kwatro ng umaga. Sisimulan ko na ang pagluluto ng almusal ng mga bata. Gigisingin sila, pakakainin at paliliguan. Kasunod no’n, maglilinis naman ako ng ilang silid sa bahay-ampunan at magluluto ulit para sa pananghalian. Makikipaglaro sa mga batang hindi pa nag-aaral, at patutulugin sila pagdating ng hapon. Marami pa akong ginagawa at natatapos iyon pagpatak ng alas-onse ng gabi. Ganoon lang ang araw-araw kong ginagawa sa buong buhay ng pananatili ko roon.

“Halika nga rito,” utos sa akin ni Oliver at maingat na pinahiga ako sa braso nito. “Yayakapin na lang kita para mawala ang pagod mo.” paglalambing pa nito na lalong ikinatawa ko.

Katahimikan ang namayani sa aming dalawa matapos iyon. Yakap namin ang isa’t isa ay dinadama ang payapang gabi na kami ay magkatabi sa kama. Pinaglalaruan ni Oliver ang aking buhok kaya naman gumagaan din ang aking pakiramdam.

Sa nagdaang mga linggo, nagkaroon kami ng pagkakataon na ipagtapat sa mga bata ang plano naming pagpapakasal nito. Nauna naming ibinalita ito kay Kuya Michael at naging masayang-masaya siya. Sinabi pa nitong maghahanda siya ng engagement party para sa aming dalawa. Hindi na lamang ako tumutol sa kagustuhan niyang iyon dahil wala naman akong ideya tungkol doon.

Katulong namin si Kuya Michael noong kinausap namin sina Kryz at Marl. Hindi man namin naipapaliwanag pa nang detalyado sa mga bata ang tungkol sa sitwasyon namin ni Oliver, nakikita naman namin ang positibong resulta sa oras na malaman na nila ang totoo.

Hindi ko makakalimutan ang senaryo noong tinanong ni Oliver ang kanyang mga anak. Iyon din ang araw na sinabi namin sa kanila ang plano naming pagpapakasal. Kabadong-kabado pa ako noon habang nag-uusap kami nang seryoso sa aming sala. Pero napawi rin agad ang matindi kong takot dahil sa naging tugon ng mga bata.

“Kids, you know naman na maraming nagbago simula nang magising ang Papa ninyo, ’di ba? What if, talagang nagbago na ang Papa ninyo? What if, hindi na bumalik ang dating ugali at kilos ng Papa n’yo? What if, hindi n’yo na makita sa kanya ang traits ng Papa n’yo before? Will you still accept and love him?” tanong na may pag-aalala ni Oliver sa kanila.

Nagkatinginan ang dalawang bata at bakas sa kanila ang pagtataka. Maging si Kuya Michael ay hindi maiwasan ang makaramdam ng pagkabahala habang pinapanood sila.

Ilang sandali rin kaming naghintay sa magiging kasagutan nina Kryz at Marl. At nang hinarap na nila kami ay ngumiti sila nang napakalawak.

Unang nagsalita si Kryz habang nakatingin ito nang tuwid sa akin.

“I don’t mind, Daddy. Papa is Papa. We actually love him more ’coz he has been more cheerful and lively! Lagi niya kaming inaasikaso ni Marl. Lagi siyang nakikipaglaro sa amin. Mas love ko siya ngayon kahit pa may mga nakalimutan siya sa past.” sagot niya sa kanyang ama. “I love you, Papa!” dugtong pa nitong pakikipag-usap naman sa akin.

Nangilid ang aking mga luha dahil sa sinabing iyon ni Kryz. Kahit pa may mga hindi ako naintindihan na ilang detalye, alam kong iisa lang naman ang nais niyang ipakahulugan — mahal niya ako sa kung ano man ako ngayon.

“I love you, too, Kryz…” emosyonal kong sagot sa aming panganay.

Sa pagkakataong ito ay si Marl naman ang nagsalita, ngunit bago iyon ay nagtungo muna ito sa aking pwesto upang makaupo sa aking kandungan.

“Yes, Daddy! Mas lalo kong naging love si Papa ngayon! Kasi napi-piggy ride na niya ako! Nabubuhat na niya si Marl! Love na love ko siya! Maraming-marami! Mas marami kesa kay Ate!” sagot naman ng aming bunso at pinupog ako ng halik sa pisngi. “Tell me you love me, too, Papa! Hurry up!” nagmamadali pa nitong utos sa akin.

“No way! Mas love ko siya dahil ayaw ko siyang napapagod unlike you!” pakikipagtalo naman ni Kryz sa kanya. Kasunod nito ay lumapit na rin siya sa akin para yakapin din ang aking leeg.

Dito ay hindi na namin naiwasan nina Oliver at Kuya Michael ang matawa. Nagkakatampuhan na ang magkapatid dahil sa pagpapaligsahan.

Habang sila ay nasa aking kandungan ay niyakap ko silang pareho nang napakahigpit. Hinalikan ko rin ang magkabila nilang pisngi.

“’Wag na kayong mag-away! Lab na lab ko naman kayo, eh! I am beri lucky because… because… dahil mababait kayo kahit makukulit! At hangga’t magkakasama tayo, puwede ko kayong kargahin kahit lumaki na kayo! Okay ba ’yon?! Basta lab ko kayong dalawa! Ha?! Ha?! Understood?!” masigla ko nang pakikipag-usap sa kanila.

“Mmmm!” sabay naman nilang tugon nang tumatango. Muli rin akong hinalikan at niyakap nang napakahigpit ng mga ito.

Tanging pagtawa lamang ang nagawa nina Kuya Michael at Oliver habang pinapanood kami.

May ilang minuto rin naming pinagsaluhan ang masayang sandali iyon, at bago pa man magtapos ang aming pag-uusap ay nakapagbigay pa ng mensahe sa kanila si Kuya Michael

na bakas ang tuwa sa mga sandaling ito.

“Basta, kids, no matter what happen, lagi n’yong iisipin ang magagandang bagay na nagawa ng Papa n’yo para sa inyo, ha? Kung ano man ang pinapakita niyang kabutihan sa inyo simula noong magising siya, lahat ’yon, totoo. Don’t break his heart. Don’t ever make him feel sad. Don’t let him cry. Lagi n’yong tatandaan na mahal na mahal niya kayo, okay?” mahinahong pagpapaalala nito sa kanila.

“Yes, Tito!” sabay naman na sagot nina Kryz at Marl.

Sa ngayon, mas nagiging positibo na ako. Sa tulong ni Oliver na laging nakaalalay sa akin, mas nagiging malinaw ang lahat sa hinaharap.

“Daddy..?” malambing kong pagtawag sa kanya habang nakahilig ako sa kanyang dibdib.

“Hhmmm..?” sagot naman nito sa akin.

Napangiti ako at napapikit.

“Wala lang… Gusto ko lang magpasalamat. Salamat sa lahat.” malambing kong sambit.

Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Oliver. Kasunod nito ay humiwalay siya nang bahagya sa akin para matingnan ko nang diretso sa mga mata.

“Ayan ka na naman, France. Paulit-ulit ka na lang na nagpapasalamat. Ilang beses ko bang dapat na sabihing kami ang dapat na magpasalamat sa ’yo?” pagsaway nito sa akin sa mahinahong tono.

Sa totoo lang, gusto ko talaga silang paulit-ulit na pasalamatan. Sila ang tumupad sa matagal ko nang ipinagdarasal. Sa kabila ng mga kabiguan ko, heto naman sila at buong-pusong tinanggap ako.

“Ang saya ko lang kasi, Daddy. Alam mo ’yong matagal kong pinangarap, nabigyan ng katuparan ’yon dahil sa inyo. Hindi man mga magulang ang dumating sa akin para kupkupin ako, isang masaya at mabait na pamilya naman ang dinatnan ko. Nandiyan ka, nandiyan si Kuya Michael, at nandiyan ang mga bata. Kayo ang nagparanas sa akin na magkaroon ng kompletong pamilya.” masaya kong pagtatapat sa kanya.

Saglit na hindi nakaimik si Oliver. Naging abala ito sa paglibot ng kanyang mga paningin sa aking mukha. At habang ginagawa niya iyon, suot niya ang kanyang maganda ngiti na walang katulad.

“Hindi ka pa inaantok, ’no?” tanong sa akin na natatawa nito.

Umiling ako bilang pagsagot. Nakakatuwang isipin na kilala na talaga niya ako. Tuwing hindi pa kasi ako inaantok ay kinukulit ko ito bago kami matulog.

Umayos ng pwesto si Oliver. Nakatagilid pa rin ang kanyang posisyon at iniangat ang kanyang braso upang maging suporta ng ulo nito.

“Sige, ganito na lang,” pagbubukas nito ng panibagong usapan. “Magkuwento ka nga sa akin ng naging buhay mo sa bahay-ampunan? I-kuwento mo sa akin ang mga karanasan mo noong bata ka at mga pangarap mo noon na gusto mong matupad. Gusto kong marinig ang mga ’yon dahil iyon na lang ang hindi ko sa ’yo alam.” sunod na nitong pakiusap sa malambing niya pa ring tono.

Napaisip ako. Tama si Oliver. Kahit pa kilala na niya ako, may mga bagay pa rin akong hindi nasasabi rito.

Unti-unti ay umayos din ako ng pwesto. Magkatapat kami ni Oliver at nakatingin sa isa’t isa nang simulan ko ang pagkukuwento rito.

“Noong bata ako, marami akong kasabayan sa bahay-ampunan. Tuwing gabi, lagi kaming nagpapaligsahan. Lagi kaming nagpupustahan kung sino ang una sa aming maaampon. Lahat sila, lagi akong tinuturo. Masayahin daw kasi ako saka masayang kasama.” panimula ng aking pagkukuwento.

“Tapos..?” utos naman ni Oliver sa pagpapatuloy ko.

“Siyempre, tuwang-tuwa ako tuwing naririnig ko ’yon sa kanila. Pangarap ko kaso ’yon, eh. Saka tuwing gabi, bago ako matulog, nagdadasal ako sa Panginoon na sana, bukas o sa mga susunod na araw, may kumupkop na sa akin. Sana, magkaroon na ako ng Tatay at Nanay. Gusto ko rin magkaroon ng Ate o kaya ng Kuya. Gusto ko rin na magkaroon ng nakababatang kapatid para ako ang mag-aalaga sa kanya. Sa madaling salita, gabi-gabi kong pinagdarasal na magkaroon ako ng pamilya. ’Yon lang ang lagi kong dinadasal, Daddy. Paulit-ulit.” sunod ko pang pagdedetalye sa kanya.

Hindi nakapagsalita si Oliver. Nanatili lamang siyang nakatingin sa akin at naghihintay pa sa aking susunod na paglalahad.

Bago ko ipagpatuloy ang aking pagkukuwento, hindi ko sinasadyang mapangiti nang mapait dahil sa alaalang nagbalik mula sa nakaraan ko.

“Kaso lang, lahat ng mga kasabayan kong bata noon, unti-unti nang umalis dahil nauna silang inampon. Hanggang sa naiwan na nga ako at wala nang natira sa kanila. Ang mga sumunod sa akin na napunta sa ampunan, mas bata na at ’yon naman ang mga gustong kinukuha ng mga naghahanap ng magiging anak nila. Kaya heto, hanggang sa lumaki at nagbinata ako, naiwan na lang akong naglilingkod sa bahay-ampunang ’yon.” pagpapatuloy ko na sa aking naunang kuwento.

Kung kanina ay nagagawa pang ngumiti ni Oliver, ngayon ay hindi na niya magawa matapos marinig ang aking kuwento. Siguro ay naaawa siya sa pinagdaanan ko?

Sa totoo lang, kung hindi ko siya kasama sa mga oras na ito, baka lumuha na naman ako tulad noon. Tuwing nagbabalik kasi ang akin ang nakaraan ko, hindi ko mapigilan ang makaramdam ng lungkot. Pero dahil naririto siya na naging lakas ko na, nagagawa ko nang ngumiti sa kabila ng lahat.

Huminga ako nang malalim at nagpatuloy pa sa aking pagkukuwento sa kanya.

“Hindi ko nga alam kung ano ang problema sa akin noon, Daddy, eh. Kung bakit hindi ako ang napipili ng mga taong pumupunta roon para mag-ampon. Iniisip siguro nilang masamang bata ako? Hindi ko alam. Pero naiinggit talaga ako sa mga batang nakakahanap ng sarili nilang pamilya. Naiinggit ako sa mga batang may tinatawag na Mama at Papa.”

“Nangako rin ako sa Diyos noon, Daddy. Sabi ko sa Kanya, magpapakabait ako at laging magsisimba para lang pakinggan Niya ang kahilingan ko. Kaso, tumanda na lang ako at lahat, hindi Niya pa rin ako nabigyan ng Mama at Papa. Pero kahit ganoon, hindi ko naman siya kinuwestiyon. Hindi ako nagalit sa Kanya. Hindi ko magagawa ’yon dahil binigyan Niya pa rin ako ng buhay. Kahit paano, naranasan ko naman ang sumaya sa bahay-ampunan. Iniisip ko na lang, baka kulang pa ang nagagawa ko para sa Kanya kaya pinagbuti ko pa.” huli kong pagbabahagi kay Oliver.

Noon ay halos oras-oras ko iyong itinatanong — kung ano ba ang mali sa akin at walang nagkakainteres na kumupkop? Pero simula nang makarating ako rito sa bahay ni Oliver at maging parte ng pamilyang ito, nakalimutan ko na rin itanong ang bagay na iyon.

Binalot kami ng katahimikan matapos iyon. Ilang minuto rin iyon hanggang sa maramdaman ko ang paghaplos ng malambot na kamay ni Oliver sa aking mukha.

“Ngayon ba, France, nalulungkot ka pa rin ba?” mahina ang boses niyang pagtatanong.

Mabilis akong napangiti dahil sa katanungan niyang iyon. Hinawakan ko rin ang kanyang kamay na nasa aking pisngi.

“Hindi na, Daddy!” mabilis kong sagot. “Simula nang dumating kayo ng mga bata sa buhay ko, doon ko rin napag-isip-isip na pinakinggan na rin Niya sa wakas ang panalangin ko. Kung tutuusin, sobra-sobra pa nga, eh. Hindi man ako nabigyan ng bagong mga magulang, binigyan naman niya ako ng mga mababait na anak. Nagkaroon din ako ng Kuya Michael. At higit sa lahat, nandiyan ka rin na tanggap kung ano o sino ako. Isang buo at puno ng pagmamahal ang pamilyang ipinagkaloob Niya sa akin. Wala na akong mahihiling pa, Daddy! Sobra-sobra na ang natanggap ko. Okay na ako, Daddy! Natupad na ang pangarap ko.” mahaba at masaya ko pang dugtong.

Sa wakas ay ngumiti nang muli si Oliver. Dahan-dahan din siyang kumilos upang muli akong yakapin.

“France, ipagpatuloy mo lang ang mga pangarap mo. ’Wag kang titigil. Pero sana, sa mga susunod mong pangarap, kasama mo na kami. At pangako, sabay-sabay nating tutuparin ang mga pangarap mong ’yon. Tutulungan kita. Tutulungan ka namin na bago mong pamilya. Kasama mo ako sa pagtupad ng lahat ng kagustuhan mo sa hinaharap.” malambing nitong pagsasalita at hinalikan ang aking ulo.

Para akong idinuduyan sa ulap dahil sa mga salitang binitiwan ni Oliver. Sa pagdating pa lang nila sa buhay ko, kuntento na talaga ako, pero heto siya, naghahangad pa rin na ipagpatuloy ko ang pangagarap nang kasama sila. Masasabi kong pinakinggan na talaga ng Diyos ang simple kong pangarap. Iyon ang bagay na labis kong ipinagpapasalamat.

Dahil na rin sa nabuksan ko ang paksa tungkol sa bahay-ampunan, hindi ko maiwasang mag-alala kina Sister Martina at sa naiwan kong mga inaalagaang bata.

Kumusta na kaya silang lahat? Nagpapakabait ba ang mga batang iyon tulad na rin ng bilin ko sa kanila? Tulad ko, nakahanap na rin kaya sila ng bagong pamilya?

Gusto ko na silang makita lalo na si Sister Martina, pero sa tingin ko, hindi pa ito ang tamang panahon para puntahan o dalawin ko sila. Iniisip ko rin, hindi kaya inaakala nilang lahat na patay na ako? Sigurado rin kasi ako, malaking balita ang pagsabog at paglubog ng barkong sinakyan ko. Hindi nakapagtatakang isipin nila na hindi ako nakaligtas sa aksidenteng iyon.

“Daddy,” pagtawag ko kay Oliver makalipas ang ilang sandali.

Bumitiw sa akin nang bahagya si Oliver para matingnan ako nang tuwid.

“Nami-miss ko na ang mga bata roon. Baka naman puwede natin silang puntahan? Gusto ko lang silang kumustahin lalo na si Sister Martina.” pagpapatuloy ko pang pagtatapat sa aking nais.

Nasaksihan ko kung paano ngumiti nang malawak si Oliver bago hinalikan ang dulo ng aking ilong. Ang sumunod nitong ginawa ay inangat ang kanyang isang palad para haplusin ang aking pisngi nang marahan.

“Don’t worry. After ng school year ng mga bata, pupuntahan natin sila. Gusto ko rin makita ang lugar kung saan ka lumaki at nagmula. Isa pa, gusto kong personal na makilala si Sister Martina na siyang nagpalaki sa ’yo. Hihingiin ko rin sa kanya nang pormal ang mga kamay mo. Nakaplano na ’yan kaya wala ka nang dapat pang alalahanin tungkol diyan.” malambing nitong pagbabalita sa akin.

Nagliwanag ang mga mata ko dahil sa aking narinig.

“Talaga?!” paninigurado ko at bahagya pa akong napaahon.

“Mmmm…” pagkumpirma naman ni Oliver na tumatango.

Dahil doon ay hindi ko napigilan ang aking sarili na pumwesto sa ibabaw ni Oliver. Dumapa ako sa kanyang katawan upang paulit-ulit na halikan ang labi nito.

“Salamat, Daddy! Salamat! Tenkyu sa english!” paulit-ulit kong sambit sa pagitan ng aking paghalik. “Ipagmamalaki ko kay Sister Martina na nakahanap na ako ng pamilya! Sigurado ako, matutuwa rin siya! Matagal na rin kasi niya akong tinutulungan na ipagdasal ’yon, eh! Salamat, Daddy! Salamat!” tuwang-tuwa ko pang pagbabalita sa kanya.

Masyado namang naaliw si Oliver dahil sa aking ginawa. Hindi na niya magawa pang sumagot dahil sa sunod-sunod niyang pagtawa.

Pinagsaluhan namin ang payapang gabi nang may ngiti sa aming labi. Pinagsawa namin ang aming mga sarili sa pagtitig sa isa’t isa. Sa mga oras na ito, animo’y ayaw na naming magkahiwalay pa.

Habang nasa ibabaw pa rin ako ni Oliver ay inangat niyang muli ang kanyang isang kamay. Ginawa niya iyon para hawiin ang buhok kong bahagyang nahaharangan ang aking mga mata.

“I love you, France… Mahal kita… Hindi na talaga ako makapaghintay sa araw na maging official na kitang asawa… Wala nang pagpapanggap na magaganap… Wala nang pagkukunwari dahil magiging akin ka na bilang ‘France’… Akin lang…” malambing nitong pagsasalita habang ilang pulgada lamang ang layo ng aming mga mukha.

Napangiti ako sa sinabi niyang iyon.

Tama si Oliver. Simula nang lumabas ang katotohanan tungkol sa aming mga inililihim, masasabi kong malaking pasanin ang nawala sa amin. Mas malaya na naming naihahayag sa isa’t isa ang tunay naming damdamin. Mas masarap na rin pakinggan ang mga salitang nagmumula sa aming mga bibig.

“Mahal din kita, Daddy… Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya sa pagdating mo… Hindi na rin ako makapaghintay na maging asawa mo… Sa wakas, magiging totoong Santillan na ako…” sagot ko naman sa kanya at natawa nang bahagya sa huli.

Natawa rin si Oliver, ngunit sa halip na sagutin pa ang aking sinabi ay pinili na lamang nitong yakapin muli ako nang mahigpit.

Ganoon lang kami ng ilang minuto, yakap ang isa’t isa at naghihintay na dalawin kami ng antok. Sinisikap ko naman ang makatulog, ngunit kahit anong gawin kong pagpikit ay tila ba hindi pa rin nakikisama ang katawan ko.

Naglakbay ang aking isip sa sari-saring lugar at kung ano-anong bagay. Marami na kaming napag-usapan ni Oliver at halos lahat ay nasabi ko na rin ang tungkol sa aking naging pamumuhay. Tuwing kami lang ang naiiwan dito sa bahay, walang sawa kaming nag-uusap at nagkukuwentuhan. Hindi niya man sabihin sa akin nang direkta, alam kong ginagawa niya ang pag-uusisa para mas makilala pa ako nang lubusan.

Ano pa nga ba ang hindi ko alam? Ano pa nga ba ang hindi namin napag-uusapan? Ano pa nga ba ang hindi ko naiintindihan?

Mahal ko si Oliver. Mahal ko ang pamilyang ito. Masaya akong kasama sila. Pakiramdam ko ay ikakasawi ko ang kanilang pagkawala. Pero paminsan-minsan, naisip ko lang din, tama ba ang lahat ng nangyayari?

“Daddy..?” pagtawag ko kay Oliver makalipas ang ilang sandali.

“Ano ’yon, France?” tanong niya rin sa akin pabalik.

Muli akong umahon para magtagpo ang aming mga paningin. Halos hindi ko rin maiayos ang aking pagsasalita nang isang bagay ay bigla na lamang nagparamdam sa akin ng alalahanin.

“Sa tingin mo, tama ba ang ginagawa natin? Tama ba na magsama tayo kahit naging asawa mo ang kakambal ko?”

Mabilis na rumehistro ang pagkabigla kay Oliver.

“France! Ano ba ’yang sinasabi mo?!” pagsaway nito sa akin.

Ito ang isang bagay ba simula pa noong una ay binubulabog ako. Hindi ba isang kasalanan itong ginagawa namin ni Oliver? Hindi kaya, naging makasarili ako? Paminsan-minsan kasi ay nakakaramdam ako ng pagkonsensiya dahil naging asawa siya ng kakambal ko. Oo nga at wala na si Weldy rito, pero tama bang desisyon na ipaglaban ko ang lalaking inibig naming pareho?

Naikagat ko ang aking ibabang labi dahil sa sari-saring emosyon — konsensiya at hiya sa kanilang buong pamilya.

“France, sinasabi mo bang hindi ka pa sigurado sa desisyon mong pakasalan ako? Nagsisimula ka na bang mag-isip na hindi natin ituloy ’to? Pinaparamdam mo ba sa akin na mas matindi ang takot mo sa isang multo kesa sa mawala kami ng mga bata sa buhay mo?”

Ramdam ko ang hinanakit sa boses ni Oliver nang itanong niya ang bagay na iyon.

“Hindi, Daddy! Hindi!” umiiling at maagap kong sagot dito. Isang paglunok muna ang aking ginawa bago ako nagpatuloy. “Hindi ko lang kasi maiwasan ang mag-alala na baka kahit sa kabilang buhay, makaramdam ng galit sa atin si Weldy. Pakiramdam ko kasi, nagtataksil tayo sa kanya. P-parang… Parang pinapanood niya tayo at umiiyak siya…” dugtong kong may pag-aalala at hindi naiwasang mautal sa huli.

Mukhang napaisip si Oliver sa aking sinabi. Ilang segundo rin siyang hindi nakakibo hanggang sa magbuntong-hininga ito.

“France,” pagtawag niya sa akin sa mahinahon na niyang tono. “Sa tinagal-tagal na panahong nakasama ko ang kakambal mo, kilalang-kilala ko na siya. Hinding-hindi siya magkakaroon ng galit at wala siyang masamang tinapay kahit kanino. Tulad din ng sinabi ko sa ’yo noon, sa tingin ko nga, siya pa ang gumawa ng paraan para magtagpo tayo. Mahalaga tayong pareho sa kanya. Siguro nga, binabantayan niya tayo sa lahat ng oras. Siya ang gumagabay sa atin para maging maayos tayong lahat.” mahaba nitong paliwanag.

Hindi ako nakatugon sa mga sinabi niyang iyon. Hindi ko magawang makumbinsi lalo na at hindi naman ako nabigyan ng pagkakataong makilala si Weldy.

“France, hindi na natin maibabalik ang dati. Wala na si Weldy. Hindi ba dapat, ang kasalukuyan at ang hinaharap na lang ang iisipin natin? Ikaw. Ako. Tayo ng mga bata. Kung patuloy kang mumultuhin ng isang alaala, anong mangyayari sa ating lahat? Sa halip na isipin mo ang taong wala na sa mundo, isipin mo na lang sana na ikaw ang naririto. Wala na si Weldy. Wala na siyang kakayahan na samahan kami. Ikaw. Ikaw ang nandito at ikaw ang bubuo sa amin ng mga anak ko…” mahaba pang pagpapaintindi sa akin ni Oliver na tila may pagsusumamo.

Napaisip ako nang malalim sa sinabi niyang iyon. Hindi maikakailang may punto siya. Ngayon ko lang din napag-isip-isip, hindi ba’t kaya ko nga binigyan ng panibagong pagkakataon ang pagsasama namin ni Oliver ay dahil parte na sila ng buhay ko? Mahal ko sila at handa kong harapin ang kahit na sino. Ipaglalaban ko sila — sariling buhay ko man ang maging kapalit nito.

“S-sorry, Daddy… Sorry…” nahihiya ko nang sambit.

Hindi agad na nakasagot si Oliver, ngunit makalipas ang ilang sandali ay hinawakan niya rin ang aking magkabilang pisngi.

“Don’t worry, hindi ako galit sa ’yo… Ayaw ko lang na ngayong nagsisimula na tayo ng bago, nagdududa ka pa rin sa sarili mo… Natatakot kasi ako, France… Natatakot ako na bigla na lang din magbago ang isip mo… Baka kasi hindi ko na kayanin kung mawala ka ulit sa buhay ko…” emosyonal na nitong paliwanag sa aming naging pagtatalo.

Ayaw kong nakikita ang malungkot na mga mata ni Oliver. Nangako ako noon, pasasayahin ko siya ano man ang mangyari. Hindi ko hahayaan na masaksihan muli ang kanyang takot na ako ang sanhi.

“Hindi mangyayari ’yon, Daddy,” sagot ko na sa kanya at sinikap kong ngumiti. “Dahil kung iiwan ko kayo, parang pinarusahan ko na rin ang sarili ko… Masyado na kayong mahalaga sa akin na baka ikamatay ko kung magkakahiwalay tayo…” dugtong ko pa sa tonong determinado.

Sa wakas ay nagawa kong maibalik ang mga ngiti ni Oliver. Muli rin nitong hinaplos ang aking pisngi.

“Salamat… Salamat, France…” sambit niya at hinalikan ako sa noo.

Matapos ang maiksi naming pagtatalo ay ibinalik ko ang pagkakahilig ng aking mukha sa dibdib ni Oliver.

Dahil na rin sa nabuksan ang paksa tungkol sa aking kapatid, may kung ano sa akin ang nakakuha ng interes.

“D-daddy..?”

“Hhhmmm..?”

Nakaramdam ako ng pagkabahala sa susunod kong itatanong, pero kahit ganoon, sinubukan ko pa rin dahil gusto ko talagang makakuha ng mahalagang impormasyon.

“A-ang kakambal kong si Weldy..?” nauutal kong panimula. “U-uhmmm… Puwede ka bang magkuwento sa akin tungkol sa kanya..?” lakas-loob ko nang pagtatanong at naipikit ko nang mariin ang aking mga mata.

Hindi na ako nagtaka nang hawakan ni Oliver ang magkabila kong balikat. Kasunod nito ay inangat niya ako upang magtagpong muli ang aming mga mata.

Nakita ko ang labis na pagtataka sa mukha ni Oliver. At kahit hindi siya magtanong, alam kong nagulat siya sa muli kong pag-uusisa tungkol sa kakambal ko.

“Daddy, gusto ko lang kilalanin ang kakambal ko. ’Yon lang ang dahilan. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap o makilala man lang siya. Kakambal ko siya. Kadugo. At kahit wala na siya, gusto kong alamin kahit paano ang katangian niya.” maagap kong depensa kay Oliver.

Sa nakikita kong ekspresyon ni Oliver, tila ba ayaw na nitong buksan pa ang usapin tungkol sa namayapa kong kakambal. Naiintindihan ko naman iyon, pero kahit man lang sa isang kuwento, gusto ko rin marinig ang tungkol sa kapatid ko.

“Sige na, Daddy… Please..? Siya ang dahilan kung bakit ako napadpad dito… Siya ang rason kung bakit sinikap kong hanapin siya simula pa noon…” pagkumbinsi ko kay Oliver.

“Pero, France, nananahimik na siya… Hayaan na natin siya…” mahinahon nitong pakikipagtalo na naman sa akin.

“Daddy, katangian niya lang ang gusto kong malaman. Kung ano siya noon. Kung paano siya kumilos. Kung ano ang pag-uugali niya. Gusto kong malaman kung bukod ba sa mukha naming iisa ang hulma, may pagkakapareho rin ba kami sa ibang bagay..? ’Yon lang, Daddy. Sige na naman, please..?” pamimilit ko pa rin sa kanya.

Matagal na hindi nakapagbigay ng reaksyon si Oliver. Nakatitig lang ito sa akin na animo’y sinusuri kung seryoso ako sa nais kong mangyari.

“Fine,” biglang pagsuko ni Oliver makalipas ang malalim niyang pagbuntong-hininga. “After nito, matulog ka na, ha? May pupuntahan pa tayo bukas, okay?” sunod pa nitong pakiusap sa akin.

Ngumiti ako nang matamis at tumango nang paulit-ulit. Nakaramdam ako ng saya dahil kahit paano ay makakarinig na ako ng kuwento tungkol kay Weldy.

Habang nasa ibabaw pa rin ako ni Oliver ay sinimulan na nitong magdetalye tungkol sa kapatid ko. Nakatingin ito sa kisame ng aming kwarto habang inaalala ang katangian ng dating asawa nito.

“Si Weldy, parehong-pareho kayo ng pag-uugali. Tulad ng sinabi ko, mabait din siya at maalaga. May malasakit sa kapwa. Iyon ang mga katangian niya na hinahangaan ng lahat. Kaya nga noong nasa kolehiyo siya, hindi nakapagtatakang marami rin ang nagkagusto sa kanya mapa-babae man o lalake.” panimulang pagkukuwento ni Oliver.

Nanatili lamang naman akong nakikinig habang tumatakbo sa aking isip ang imahe ng aking kakambal. Hindi ko maiwasan ang bahagyang kilabutan dahil imahe ko rin ang nakikita ko sa aking isipan. Medyo nakakakita lang ako ng kaibahan dahil hindi ko naranasan ang makatapak ng kolehiyo tulad ng aking kakambal.

“Mapagmahal siya sa pamilya. Lahat ng makapagpapasaya sa mga mahal niya sa buhay, handa niyang gawin para lang sumaya sila. Handa siyang magsakripisyo kahit na ang kapalit ay ang sarili niyang kaligayahan. Ganoon siya magmahal.” pagpapatuloy pa ni Oliver at napangiti sa huli.

Nang masilayan ko ang ngiting iyon ni Oliver ay hindi ko naiwasan ang makaramdam ng kirot sa aking dibdib. Tila ba may mga karayom ang paulit-ulit na tumutusok sa puso ko. Nagiging sanhi rin iyon ng pagsikip ng paghinga ko.

Marahil ay napansin iyon ni Oliver, kaya naman agad niya akong niyakap at hinalikan sa labi.

“Baka naman nagseselos ka na, ha?” medyo natatawa niyang pagtatanong.

Hindi ako nakapagsalita.

Selos nga ba itong aking nararamdaman? Hindi ko alam. Hindi ako sigurado dahil bago lang din naman sa akin ito.

“Don’t be, France. ’Wag kang magselos. Parte na lang siya ng nakaraan ko. Isa pa, kaya ako napangiti dahil may naalala ako tungkol sa kanya at sa ’yo.” pagbawi ni Oliver dahil sa pananahimik ko.

“A-ano naman ’yon..?” nauutal na tanong ko agad sa kanya.

Muli itong natawa bago sinagot ang katanungan ko.

“Minsan na kasi kitang pinagselosan. Hindi lang ako, pati si Michael, minsan na rin silang nagkatampuhan ni Weldy dahil sa ’yo,” una nitong pagsagot. “Noong nabubuhay pa kasi si Weldy at nakatanggap siya ng magandang balita na may kakambal siya, naging bukambibig ka na niya. Araw-araw, oras-oras, ikaw ang binabanggit niya. Pakiramdam namin noon, mas importante ka na sa kanya kahit hindi pa kayo nagkikita. Gustong-gusto ka na nga niya noon mayakap at mahalikan. Gustong-gusto ka na niyang pisilin sa pisngi at panggigilan.” mahaba nitong sagot at natawa sa huli.

Maging ako ay hindi naiwasan ang matawa sa narinig. Kahit pala hindi pa ako parte ng kanilang mga buhay noon, napag-uusapan na rin nila ako.

“Mahabang taon at maraming pinagdaanan si Weldy para lang mahanap ka. Nag-hire pa siya ng private investigator dahil wala talaga kaming palatandaan kung paano ka makikita. Bago kasi namatay ang umampon sa kanya na si Mommy Louisa, doon lang din nito nasabi ang tungkol sa ’yo. Kaya sa bawat pagkakataon na walang maibigay na magandang balita ang inupahan niyang tao na maghahanap sa ’yo, wala siyang ginawa kundi ang umiyak. Alalang-alala siya sa ’yo dahil baka hindi ka raw kumakain nang tama. Baka raw may kumuha sa ’yo na ibang tao at tinatrato ka nang hindi maganda.” pag-alala ni Oliver sa nakaraan.

Ngayon ko na naiisip na napakalupit ng kapalaran naming dalawa ni Weldy. Simula pa sanggol ay pinaghiwalay na kami. At noong mabigyan naman kami ng pagkakataong magkita, hindi pa rin iyon nangyari. Binawi siya sa amin. Binawi ang kakambal kong tila isang anghel na makita lamang ako ang hiniling.

“Maraming plano si Weldy para sa ’yo. Lagi niya noon sinasabi, sa oras na makita ka na niya, gagawin niya ang lahat para lang mapasaya ka. Ibibigay niya ang lahat ng gusto mo. Nangangarap din siya na magawa n’yo ang mga bagay na ginagawa ng mga normal na magkakambal — magsusuot ng parehong gamit, sabay na magsasalita at mamamasyal nang sabay. Gusto ka rin niyang dalhin sa mga lugar na hindi mo pa napupuntahan. Lahat ng magagandang bagay, pinagplanuhan na niya kahit hindi pa kayo nagkikita.” muli pang pagkukuwento ni Oliver.

Labis na panghihinayang ang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Kung maaga ko lamang nalaman ang tungkol kay Weldy, siguro ay nabigyan kami ng pagkakataong magkita nito.

Gusto ko rin maranasan ang mga plano ni Weldy. Gusto ko siyang makasama tulad ng kanyang nais. Lahat ng bagay na masayang pinagsasaluhan ng magkapatid, gusto ko rin iyong danasin. Pero dahil sa hindi magandang mga pangyayari, wala akong magawa kundi ang humiling na lang sa langit…

Sana, makasama ko si Weldy. Sana, magkaroon kami ng pagkakataong magkita at maisakatuparan ang pangarap naming dalawa kahit man lang sa panaginip.

“Daddy…” pagtawag ko kay Oliver sa malungkot kong boses. “Napakaswerte n’yo kay Weldy. Nabigyan kayo ng pagkakataon na makasama siya. Samantalang ako, hindi ko man lang siya nakita. Hindi ko man lang nahawakan ang kamay niya. Hindi ko man lang narinig kahit ang boses niya.” puno ng panghihinayang ko pang dugtong.

Sa mga inilahad ni Oliver, mas lalo ko lang nararamdaman ang pagnanais na makita ang kakambal ko. Tulad ng mga napapanood ko sa telebisyon, sana ay may kakayahan talaga ang isang tao na makakita ng kaluluwa ng isang yumao. Gusto kong malaman ang kalagayan ngayon ng kakambal ko. Gusto kong alamin kung masaya na ba sa kabilang buhay ito.

Hinaplos nang marahan ni Oliver ang aking likod.

“France, hindi na natin mababago ang nakaraan. Nakalipas na ang lahat at kailangan na lang nating tanggapin iyon. Naniniwala rin ako, may dahilan kung bakit nangyari ang lahat ng ito. Isipin mo na lang, kung hindi naganap ang sakuna, makakahanap ka ba ng panibagong pamilya? At kami, mabubuo ba kami ng mga bata kung hindi ka dumating? Siguro, alam na ni Weldy na hanggang doon na lang siya. Kaya naman bago siya mawala, siniguro niyang magiging maayos ang mga iiwanan niyang mga mahal sa buhay. Sa ngayon, ang isipin mo na lang ay may nagawa pa rin siyang maganda sa ’yo kahit pa hindi kayo nabigyan ng tiyansa na magkita. Ikaw pa rin ang inisip niya hanggang sa kanyang huling hininga.” mahabang pagpapaintindi sa akin ni Oliver.

Sadyang napakaswerte nila dahil naranasan nilang makasama ang kakambal kong si Weldy. Isa siyang anghel na walang ibang hangarin sa buhay kundi ang makagawa ng mabuti.

Marahil ay tama nga si Oliver. Iisipin ko na lang siguro na maswerte pa rin ako kahit paano. Nagkaroon ako ng isang kakambal na kasing buti ni Weldy. Iisang dugo ang dumadaloy sa amin at naranasan naman namin ang mabuhay nang masaya sa mundo. Dapat ko na lang sigurong isipin na lahat naman tayo ay may katapusan. Nagkataon lang na hindi pumabor sa amin ang tadhana na magkita kami mula sa mahabang pagkakahiwalay.

Unti-unti ay ngumiti ako kay Oliver.

“Daddy, ’wag kayong mag-alala. Kahit wala na si Weldy, nangangako ako, ipagpapatuloy ko ang mga naiwan niya. Aalagaan ko kayo tulad ng pag-aalaga niya sa inyo. Mamahalin ko kayo tulad ng pagmamahal niya sa inyo. Pasasayahin ko rin kayo kahit pa ang kapalit ay ang sariling kaligayahan ko. Dahil tulad ni Weldy, ayaw ko rin kayong makitang nalulungkot. Gusto kong manatiling buo at masaya ang pamilyang ito. Hinding-hindi ko hahayaan na masira ito. Tutuparin ko ang lahat ng ’yan. Pangako.” mahaba kong panunumpa kay Oliver.

Nasaksihan ko ang pangingilid ng mga luha ni Oliver. Sinasabayan niya rin iyon ng pagngiti. Dahil doon ay hindi ko mapigilang makaramdam ng saya dahil nagawa ko siyang pasayahin.

“Salamat, France…” wika nito at hinalikan ako sa noo. “Sigurado ako, kung nakikita man tayo ni Weldy sa mga oras na ito, masayang-masaya siya sa mga sinabi mo… Sa palagay ko, natutuwa siya dahil may magandang resulta ang lahat ng mga isinakripisyo niya… Ganoon tayo kahalaga sa kanya, France… Ganoon niya tayo kamahal…” madamdamin pa nitong dugtong.

Tanging pagtango lang habang nakangiti ang aking naitugon sa kanya. Kasunod nito ay muli akong humilig sa kanyang dibdib at ipinikit ang aking mga mata.

Sa gabing ito, marami akong nadiskubre. Kahit paano ay nakilala ko ang aking kakambal na si Weldy. Isa siyang anghel sa aming lahat. Mabuti ang kanyang puso na bukas para sa mga minamahal niya sa buhay.

Ramdam ko pa rin ang panghihinayang na hindi kami nagkasama, ngunit tulad nga ng sinabi ni Oliver, ito rin yata ang naging paraan ni Weldy upang matagpuan namin ni Oliver ang isa’t isa. Si Weldy rin ang gumawa ng daan upang kami ay magkakilala at tugunan ang pangangailangan naming lahat. Naging mapait man ang simula, mahalagang isipin na lamang namin ang hinaharap.

Sa tuluyang pagdalaw ng aking antok ay isang kahilingan muna ang sumagi sa isip ko…

Sana, sa pagtulog ko ngayong gabi ay makita ko sa aking panaginip ang kakambal ko. At kung hindi man ngayon, sana ay dumating ang oras na mayakap at makausap ko siya kahit man lang ilang segundo.


A/N

Salamat sa matiyagang paghihintay! Alam kong may mga hinuhulaan na kayong magiging senaryo sa mga susunod kaya ituloy n’yo lang iyan. Cheret!

Inuulit ko, hindi ko sasabihin kung hanggang ilang chapter na lamang ang natitira sa istoryang ito. Sa unang pagkakataon ng aking pagsusulat, hindi ako magbibigay ng clue. Bubulagain ko na lang kayo sa ending o finale nitong kuwento.

Para po sa ’yo ang chapter na ito,

Vanckiekay2

. Maraming salamat sa suporta sa kuwentong ito. Love lots!

May nakahandang malaking sorpresa sa susunod na chapter. Sana ay mabigyan ako ng mahabang oras na isulat iyon para mai-post agad. Salamat sa patuloy na pagbabasa, pagboto at pagkokomento n’yo rito, guys! Mahal ko kayo!

–– cold_deee ❤

10.07.2018

Chapter 29

(A/N: Paki-play na lang po ang nasa media habang nagbabasa nitong buong chapter. Malalaman n’yo rin kung para kanino ang kantang iyan sa pagpapatuloy ng inyong pagbabasa. Ayaw kong mag-spoil. Hehe.

Song title: Broken Vow - By; Josh Groban

)

  ![](https://img.wattpad.com/ff35e3ea9120c294946b2d769f6d4d67b68a397f/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f6d3548724a674270754f51644e673d3d2d3439333033343934332e313535643835373231303435323366323339333135383535383630372e6a7067)

FRANCE POV

Nang makita ko ang papalapit sa imahe ni Oliver ay saka lang ako nakahinga nang maluwag.

“Anong sabi ni Kuya Michael?” tanong kong nag-aalala kay Oliver. Medyo hininaan ko rin ang aking boses upang hindi kami makaabala sa ibang taong nagdarasal.

Sa nakikita kong reaksyon ngayon ni Oliver, mukhang hindi magandang balita ang ihahatid nito.

“Hindi na raw siya makakasunod. Sorry nga nang sorry, eh. May biglaan daw kasi siyang appointment kaya hindi na siya makakasama sa atin.” sagot sa akin nito sa mahina rin niyang boses.

Tama nga ako, isang hindi magandang balita ang maririnig ko. Kanina pa namin hinihintay si Kuya Michael dahil nakapangako ito na sasama ngayon sa aming pagsisimbang magpamilya.

Laking pasasalamat ko dahil nakasama na si Oliver sa pagsisimba naming ito. Ito ang kauna-unahang beses na nakasama namin siya ng mga bata. Marami kaming dapat na ipagpasalamat ni Oliver sa Maykapal, kaya naman gusto ko rin siyang makapunta rito sa Kanyang tahanan.

Umupo si Oliver sa aking tabi. Ang dalawa namang bata na sina Marl at Kryz ay abala ngayon sa pagkukuwentuhan nang pabulong. Sa mga oras na ito ay hinihintay na lamang naming magsimula ang misa.

“There’s something wrong with Michael,” muling pagsasalita ni Oliver na tila ba malalim ang iniisip nito. “Nitong mga huling araw, parang ang hirap niyang kontakin? At kaninang kausap ko siya sa phone, parang balisa siya? I wonder kung may problema ngayon sa ospital? Pero kung meron man, nabanggit na niya sana sa akin ’yon. Mag-i-invite na ’yon sa bar para pag-usapan naming dalawa ’yon. Pero wala, eh.” mahaba pa nitong pagpuna kay Kuya Michael habang nakatulala.

Natahimik ako sa mga sinabi ni Oliver at napaisip.

Tama siya, iyon din ang napansin ko kay Kuya Michael. Noong nakaraang linggo, maayos naman kaming nagkausap sa bahay dahil dumalaw siya. Doon na rin namin ibinalita sa kanya ang tungkol sa plano naming pagpapakasal ni Oliver sa ibang bansa. Sa mga sumunod na araw, naging maayos pa rin naman dahil nagpapalitan pa kami ng text sa cellphone. Nangungulit pa nga sa akin dahil padala ito nang padala ng text na ’ Panget ’. Kung minsan nga ay tumatawag pa dahil naiinip daw siya sa kanyang opisina.

Pero tulad nga ng napansin ni Oliver, makalipas lang din ang ilang araw ay nawala ang kakulitan niyang iyon. Hindi na siya nakakapag-text o kahit tawag man lang. Hindi naman siya makausap nang personal ni Oliver dahil hanggang ngayon ay nakabakasyon pa rin ito sa trabaho.

Muli kong itinuon ang aking mga mata kay Oliver. Bakas pa rin sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala kay Kuya Michael. Ayaw kong makitang ganito siya, kaya naman nag-isip na ako ng paraan para gumaan ang pakiramdam niya.

“Puntahan na lang natin siya sa bahay niya, Daddy, para kumustahin,” pagyaya ko nang nakangiti at hinawakan ang kamay ni Oliver. “Nag-aalala na rin ako sa kanya. Kung gusto mo, mamaya natin siya puntahan sa bahay o sa trabaho niya?” dugtong ko pang pagkumbinsi rito.

Nagbuntong-hininga si Oliver na tila dismayado pa rin siya.

“Isa pa nga ’yan sa pinagtataka ko, eh. Ang sabi niya sa akin, wala raw siya sa bahay niya. Noong tinanong ko naman kung saan siya ngayon tumutuloy, sa isang kaibigan lang daw. Dammit! Ang tagal na naming magkasama at kilala ko ang mga naging kaibigan niya! Most of them, nasa ibang bansa na naninirahan!” tila ba naiinis nang reaksyon ni Oliver. Hindi na talaga niya maitago ang pag-aalala at pagtataka kay Kuya Michael.

Gustuhin ko man na magbigay ng ideya sa kung ano ang posibleng pinagkakaabalahan ngayon ni Kuya Michael, hindi ko naman iyon magawa. Hindi ko pa siya gaanong kilala. Bukod sa kinalakihan siyang kapatid ng namayapa kong kakambal, wala na akong alam tungkol sa kanya. Medyo nakakaramdam tuloy ako ng pagsisisi dahil wala akong magawa sa mga oras na ito. May pagkukulang din ako dahil hindi ko nabigyan ng panahon para makilala ang umaruga sa kakambal ko.

Marahil ay napansin ni Oliver ang aking pananahimik, ilang saglit lang din kasi ay muli siyang huminga nang malalim.

“I’m sorry…” sambit nito sa mahinahong tono at hinawakan din nang mahigpit ang kamay ko. “Hindi ito ang oras para problemahin si Michael. Hindi ko lang talaga maiwasan ang magtaka sa ikinikilos ng kuya mo. Isa pa, inaasahan din siya ng mga batang makakasama ngayon, ’di ba? Nangako rin kasi siya sa inyong ipapasyal at ipapamili kayo ng mga gamit n’yo mamaya.” dugtong pa nito sa nag-aalala pa rin niyang tono.

Muli ay ngumiti ako kay Oliver.

“Daddy, para namang wala nang bukas na darating? Para namang hindi na natin puwedeng magawa ’yon sa ibang araw?” paliwanag ko na kay Oliver at hindi naiwasan ang matawa nang mahina. “Maliit na bagay lang naman ’yon, Daddy. Marami pang raw na magagawa natin ’yon nang magkakasama. Sa ngayon, isipin mo na lang na araw natin itong magpamilya. Magsaya lang tayong apat.” dugtong ko pang pagkumbinsi sa kanya.

Sa pagkakataong ito ay tila ba nakumbinsi ko na si Oliver.

“Yeah,” pagsuko na nito nang tuluyan matapos ang kanyang muling pagbuntong-hininga. “Tama ka. Mas maganda siguro kung gawin kong big celebration ang araw na ’to dahil first time natin na nagawa ’to.” dugtong pa nito at napangiti sa dulo.

Tumunog nang napakalakas ang kampana, senyales na magsisimula na ang misa. Tumayo na kaming lahat kasabay ang iba pang magsisimba. Nginitian ko ang mga bata, ngunit nang lingunin ko si Oliver ay nakatanaw ito sa labas ng simbahan.

“Daddy, magsisimula na,” bulong ko sa kanya. “May problema ba?” sunod kong tanong sa kanya.

Muli akong hinarap ni Oliver at nakita ko na naman ang pag-aalala sa kanyang mukha tulad kanina.

“I… I-i don’t know… Bigla kasi akong kinabahan?” sagot nitong tila nag-aalangan. “Suddenly, I have this feeling na parang may nakatingin sa atin? Parang pinapanood tayo?” sunod pa nitong reaksyon.

Inilibot ko ang aking paningin sa paligid at hindi ko naiwasan ang matawa.

“Baka dahil maraming tao? Gwapo ka kasi, Daddy, kaya tinitingnan ka nila. Akala siguro nila, artista ka?” pagbibiro ko na lamang kay Oliver. Gusto ko kasing alisin ang pag-aalala sa kanya.

Kinurot niya nang bahagya ang aking ilong at hindi rin niya naiwasang matawa. Laking pasasalamat ko naman dahil nagawa kong ilihis ang kanyang isipan.

“Baka ikaw ang tinitingnan? Ang cute naman kasi ng magiging asawa ko.” papuri rin nito pabalik na naging dahilan para matawa na lang kaming pareho.

“Sshhhh!” biglang pagsaway naman sa amin nina Kryz at Marl. Nakalagay pa ang kanilang mga hintuturo sa kanilang mga nguso.

Nakaramdam naman kami ng hiya ni Oliver kaya sabay rin kaming napayuko. Pigil na lang ang aming mga pagtawa dahil baka pagalitan na kami nina Kryz at Marl sa susunod.

Nagsimula ang misa at naging taimtim ang aming pagdarasal. Sinamantala ko ang panalangin upang magpasalamat sa Lumikha. Labis akong nagpapasalamat dahil sa ipinagkaloob Niya sa aking napakaraming biyaya.

Noon, muntik na akong hindi maniwala sa Kanya. Muntik na akong bumitiw sa pangakong paglilingkuran Siya. Dumating ako sa puntong gusto ko Siyang tanungin kung bakit ba ako naging malas? Kung bakit hindi Niya ako binigyan ng pamilya tulad ng iba? Pero dahil sa pangaral sa akin ni Sister Martina, nagawa kong pagtibayin pang lalo ang relasyon ko sa Kanya.

Laging sinasabi sa akin noon ni Sister Martina, ‘Anak, hangga’t may buhay, may pag-asa. At hangga’t naniniwala ka sa Kanya, darating ang panahon na maririnig Niya ang iyong dasal’ .

Lumaki akong naniniwala sa pangaral na iyon ng nagpalaki sa aking madre. Naging matiyaga ako sa paghihintay. Naging masigasig ako sa pagdarasal. Naging masunurin ako sa lahat ng Kanyang kautusan. Higit sa lahat, naging mabuti ako sa kapwa dahil iyon ang nais ng Maykapal.

Sa maraming taon na nabubuhay ako sa mundo, sa mahabang taon na matiyaga akong naghintay na madinig Niya ang panalangin ko, sa wakas, nabigyan na Niya ng katuparan ang kahilingan ko.

“Ayos ka lang..? Umiiyak ka…” pag-aalala ni Oliver mula sa aking tabi. Kasunod nito ay pinunasan niya gamit ang kanyang palad ang dumaloy kong mga luha sa aking magkabilang pisngi.

“Papa… Are you okay..?” tanong naman na nag-aalala sa akin ni Kryz.

“Why are you crying, Papa..?” si Marl naman na hinawakan pa ang aking kamay.

Napangiti ako sa tatlong tao na nasa tabi ko ngayon.

“W-wala… Masaya lang ako… Sobrang saya ko lang…” sagot ko sa kanila.

Sila ang sagot sa mga panalangin ko. Sila ang bumuo sa nawasak kong pagkatao simula pa nang isilang ako. Sila ang ibinigay sa akin ng Diyos. Sila ang mga taong lubos kong ipinagpapasalamat dahil dumating sa buhay ko.

“Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging sumainyo.”

“At sumainyo rin.”

“Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.”

“Papa, Daddy, peace be with you po!”

“Peace be with you, Papa and Daddy!”

Kasunod ng mga pagbating iyon mula sa dalawang bata ay yumuko kaming dalawa ni Oliver. Binuhat din namin sila upang mas malaya naming mayakap ang isa’t isa.

“Peace be with you, kids.” sagot namang nakangiti ng kanilang ama.

“Peace be with you rin sa inyo!” masaya ko namang tugon sa dalawang bata.

Halos mapiga kaming dalawa ni Oliver dahil sa magkasabay na yakap at halik nina Marl at Kryz. Nagkakatawanan pa kaming apat nang muli namin silang ibaba.

“Peace be with you, France…”

Bulong lamang ang pagbati sa akin na iyon ni Oliver. Kasunod nito ay hinalikan niya rin ang aking pisngi.

Hindi ko naiwasan ang makaramdam ng pag-aalala. Nang ilibot ko ang aking mga mata sa paligid at doon ko nakumpirmang pinagtitinginan na nga kami ng ilang mga taong kasabay namin ngayong nagsisimba. At sa bawat pagtitig nila, naroroon ang panghuhusga.

“’Wag mo silang intindihin,” nakangiti at muling bulong sa akin ni Oliver. “Kung ang Diyos nga, hindi tayo kinekwestyon, sila pa kaya? Hindi pagkakasala ang magmahal. Mas malaking kasalanan na hamakin ang kapwa dahil pare-pareho Niya tayong mga anak. Lagi mong tatandaan ’yan.” pagpapaintindi pa sa akin ni Oliver.

Hindi ako nakasagot kaya naman nagpatuloy si Oliver sa pagsasalita. Hinawakan niya rin muna ang isa kong kamay saka ito hinalikan.

“Isa pa, ngayon pa ba ako matatakot sa kanila? Ngayon pa ba na araw at linggo na lang ang hinihintay ko at magiging asawa na kita? Wala nang atrasan ’to. Malapit ko nang ipagsigawan sa kanilang lahat kung gaano kita kamahal. At ngayong nandito tayo sa tahanan ng Diyos, ipinagdarasal at ipinapangako ko na rin sa Kanya — aalagaan at mamahalin kita hanggang sa huli kong hininga.” malambing pa nitong pagpapatuloy.

Matapos ang mga salitang iyon ni Oliver ay lakas-loob naman niya akong hinalikan sa noo. Ginawa niya iyon sa harap ng mga taong hinuhusgahan kami sa mga oras na ito.

Mabilis na nawala ang aking pag-aalala dahil sa mga binitiwang salita ni Oliver. Naramdaman ko ang senseridad ng kanyang pangako roon.

“Salamat, Daddy…” tangi ko lang nasabi habang nakapikit at dinadama ang kanyang halik.

Nagtapos ang misa na napakagaan ng aking pakiramdam. At bago namin tuluyang lisanin ang tahanan ng Maykapal, isang kahilingan muli ang aking ibinulong sa Kanya…

‘Sana, magtuloy-tuloy na ang aking kasiyahan. Sana, hindi ko na danasin pang muli ang pangungulila tulad sa aking nakaraan. At sana, hindi na kami magkahiwa-hiwalay ng pamilyang ito na buong-puso akong tinanggap.’

Nagtuloy-tuloy ang masayang araw namin ni Oliver kasama ang aming mga anak. Hindi man namin nakasama si Kuya Michael, hindi rin naman iyon naging dahilan para mabawasan ang aming kasiyahan.

Matapos ang misa ay dinala kami ni Oliver sa lugar na maraming iba’t ibang uri ng hayop. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakarating ako rito kaya naman hindi ako nagpahuli sa kasiyahan nina Kryz at Marl. Naroon na halos mapasigaw ako sa gulat dahil sa tigre, at aliw na aliw naman akong tawag nang tawag sa elepante.

“Papa, it’s your turn na!” utos sa akin ni Kryz na halos hindi na makahinga nang maayos dahil sa labis na pagtawa.

“Dali na, Papa! Sabi mo, ikaw ang susunod sa amin, ’di ba?!” si Marl din na habang tumatawa at hinihila pa ang aking isang kamay.

Mas lalo kong pinagbuti ang pagtatago mula sa likod ni Oliver. Hinigpitan ko rin lalo ang pagkakayakap sa kanyang bewang para hindi ako mahila ni Marl.

“Ayaw ko na! Joke lang ’yon na susunod ako sa pa-picture n’yo!” pakikipagtalo ko sa dalawang bata.

Si Oliver ay hindi na rin tumitigil sa pagtawa. May hawak ito ngayong isang camera na siyang ginagamit niya para kuhanan kami ng litrato ng mga bata.

Wala na akong pakialam kung pinagtitinginan na kami ng mga tao dahil sa kaingayan ko. Ang ilan ay natatawa tulad ng aking pamilya, ang ilan naman ay nagugulat dahil sa edad kong ito ay para pa rin akong bata.

Sino ba naman ang hindi matatakot kung magpapakuha ka ng larawan habang may nakasabit sa ’yong leeg na malaking ahas?! Kung sila ay nagagawa pang ngumiti at haplusin ang ahas na iyon, p’wes, ako ay hindi!

“Hey, calm down! Hindi ka naman tutuklawin niyan! Akala ko ba matapang ka?! Madalas mo nga akong pagalitan at sermonan, ’di ba?!” natatawang pagsaway sa akin ni Oliver na nililingon ako habang nakapwesto pa rin ako sa kanyang likod.

“Daddy, naman, eh! Sinabi nang ayaw ko!” pagdadabog ko na rito. “Daddy, sige na, please..? Ilayo n’yo na sa akin ang ahas… Ayaw kong magpa-picture sa kanya…” mangiyak-ngiyak ko nang pakiusap kay Oliver.

Natatawa pa rin sa ikinikilos ko si Oliver, ngunit sa kabila nito ay hinaplos niya nang marahan ang kamay ko na nasa kanyang bewang ay nakapalibot.

“Fine, hindi na,” pagsuko na nito nang tuluyan. Dahan-dahan niya rin akong iginaya na makarating sa kanyang tapat upang yakapin at sa noo ay halikan. “Kids, ’wag n’yo nang pilitin at takutin ang Papa n’yo. Sa ibang animals na lang siya magpapa-picture.” utos na nito kina Kryz at Marl.

Sinunod naman siya ng dalawang bata ngunit mas naging malakas pa ang kanilang pagtawa. Tuwang-tuwa talaga sila dahil nadiskubre nila ang isa sa aking mga kahinaan.

Buong akala ko ay tuluyan na akong makakahinga nang maluwag, ngunit napasigaw na naman ako nang malakas dahil gumalaw ang ahas na nakasabit sa leeg ng kanyang tagapag-alaga. Umangat ang ulo nito at tinumbok ang pisngi ko.

“Daddy!!! Ayaw ko na!!!” malakas kong sigaw at tumakbo palayo sa kanila. Kasunod nito ay mabilis din akong nagtago sa ilalim ng mesang gawa sa semento. Ito lang kasi ang nakita kong mapagtataguan na medyo malayo sa kanilang pwesto.

Mula sa aking pinagtataguan ay natatanaw ko pa rin ang aking pamilya. Naroon sila at hindi na matigil sa pagtawa. Aliw na aliw talaga sila sa nakikita nila sa aking kaduwagan.

Nagpatuloy pa kami sa aming pamamasyal. Medyo matagal din akong sinuyo nina Oliver at ng aming mga anak. Ang tagal kasi nilang nakabawi bago sila tuluyang tumigil na ako ay pagtawanan.

Pasalamat lang talaga sila at mahal na mahal ko sila! Hindi ko talaga sila matiis lalo na at pinaliguan nila akong tatlo ng halik! Halos hindi na nga ako makahinga noong sabay-sabay silang niyakap ako nang mahigpit.

Nagtapos ang pamamasyal namin sa tinatawag nilang Manila Zoo. Hindi pa nga siguro kami aalis doon kung hindi lang kami pare-parehong nakaramdam ng gutom.

“Smile! One, two, three!” pagbibilang ni Oliver habang nakasilip ito sa kanyang camera.

Simula pa kanina ay walang tigil sa pagkuha ng larawan sa amin si Oliver. Kahit ngayong naririto na kami sa isang restaurant habang hinihintay ang in-order naming pagkain ay nagpatuloy siya sa kanyang ginagawang pagkuha ng litrato sa amin.

Madalas ay ako ang kanyang kinukuhanan kahit pa hindi ko iyon alam. Nalaman ko lang na marami akong picture nang ipakita niya sa akin ang mga laman ng camera.

Tinanong ko nga siya kanina kung bakit niya ako kinukuhanan ng litrato nang hindi niya ako sinasabihan. Ang buong akala ko kasi ay pinagkakatuwaan lang niya ako, pero napangiti ako sa naging pagsagot nito…

“Gusto kong makolekta ang mga pictures mong nakangiti, France. Ang sarap kasi sa pakiramdam na napapatawa at napapangiti ka namin ng mga bata. Ang sarap tingnan nang paulit-ulit ang magandang mukha ng aking magiging asawa.”

Wala na talagang mapaglagyan ang aking kasiyahan habang kasama sila. Hindi sapat ang paulit-ulit kong pasasalamat sa Diyos dahil sila ang napakagandang regalo na aking natanggap.

May mahihiling pa ba ako? Sa tingin ko ay wala na. Buong-buo na ako at magagawa ko nang ipagmalaki sa lahat ang kasalukuyang pamumuhay ko.

“Patingin ako ng picture, Daddy!” sabik na sabik ko namang pakiusap kay Oliver upang makita ang kinuhanan niyang larawan namin ng mga bata.

Agad namang ibinigay sa akin ni Oliver ang kanyang camera kaya inisa-isa na namin iyong tiningnan ng mga bata.

“Ang cute natin dito, Papa!” nakangiting reaksyon ni Kryz habang tinitingnan ang larawan naming tatlo.

“Oo nga! Pero mas cute ako!” si Marl naman na sumang-ayon ngunit may pahabol pa rin sa dulo.

Muli ay nagtawanan kaming apat. Hindi na talaga maawat ang kasiyahan namin ngayong araw.

“Papa, tumabi ka po kay Daddy! Kami naman ni Marl ang magpi-picture sa inyo!” biglang utos sa akin ni Kryz sa masaya niyang tono.

Hindi ko na kinailangan pang sumagot, agad din kasing kinuha ni Oliver ang aking isang kamay para alalayan akong makaupo sa tabi nito.

“Daddy, hug mo po si Papa, ha?!” tuwang-tuwa namang utos ni Marl.

Walang pagdadalawang-isip na niyakap namin ni Oliver ang isa’t isa. Magkadikit ang aming mga mukha habang may malawak na ngiti sa mga labi naming dalawa.

Kahit pa may ilang kumakain dito sa restaurant ang tinitingnan kami ngayon, hindi iyon naging hadlang para makaramdam kami ng pagkailang ni Oliver. Tulad nga ng sinabi ni Oiver, wala kaming dapat ikahiya. Masaya kami dahil buo kaming magpamilya. Iyon ang pinakamahalaga.

Nagsimula si Kryz na kuhanan kami ng larawan ng kanilang ama. Ang unang pagpindot niya rito ay nasundan pa nang nasundan.

Makalipas ang ilan pang pagkuha ng larawan sa iba’t ibang posisyon na ginawa namin ni Oliver, naramdaman ko na tila ba ito ay napapitlag.

“Hala, Daddy? Saan ka po nakatingin? Sabi ko, mag-peace sign naman kayo ni Papa, ’di ba?” reklamo rin ni Kryz sa kanyang ama.

Nang lingunin ko si Oliver ay nasa labas nitong restaurant ang kanyang mga mata. Sa malaking salamin nitong malaking kainan ay natatanaw na rin namin ang kalsada. Doon din ngayon nakatuon ang atensyon ni Oliver habang suot ang ekspresyon niyang nagtataka.

“Daddy?” pagtawag ko na sa kanyang atensyon. “May problema na naman ba?” sunod ko pang tanong sa kanya.

Hindi muna ako sinagot ni Oliver. Saglit niya munang inilibot pa ang paningin sa loob naman nitong restaurant.

“Hindi talaga ako mapakali ngayon,” sagot nito sa akin saka ako muling nilingon. “Noong nasa simbahan pa lang tayo, pakiramdam ko, meron talaga sa ating nanonood. Kahit noong nasa zoo tayo, parang may sumusunod din sa ating apat? And then, ngayon na naman, parang may nakatanaw na naman sa atin? I… I don’t know… Pero hindi ko maiwasan ang kabahan…” mahaba pa nitong pagtatapat.

Dahil sa kanyang sinabi ay hindi ko na rin naiwasan ang makaramdam ng pag-aalala. Si Oliver lang naman ang may kakaibang nararamdaman, samantalang kami ng mga bata ay normal lang naman ang lahat. Sa katunayan, heto nga ang magkapatid sa aming tapat at nagkakatuwaan pang kinukuhanan ng litrato ang isa’t isa.

Tulad ni Oliver ay inilibot ko rin ang aking mga paningin sa buong lugar. Mula sa loob nitong restaurant at maging sa labas ay sinuyod ng aking mga mata. Ilang segundo ko rin iyon ginawa at wala talaga akong makitang kakaiba o kahina-hinala.

Nang muli kong ibaling kay Oliver ang aking mga paningin ay naroroon pa rin ang kanyang pag-aalala. Ayaw kong nakikita siyang ganito. Ayaw kong mabahiran ng negatibo ang masaya naming araw na ito.

“Daddy?” pagtawag ko sa kanyang atensyon at hinawakan ang isang kamay nito. Sinikap ko rin ang ngumiti habang magkalapit ang mukha namin nito. “Baka naman pagod ka lang? Gusto mo bang umuwi na tayo pagkatapos nating kumain? Magpahinga ka na lang muna. Sa ibang araw na lang tayo bumisita kay Kuya Michael. Susubukan ko na lang din munang tawagan siya.” pagyaya ko pa sa kanya.

Doon lang tila natauhan si Oliver. Itinigil na niya ang pagmamasid sa buong lugar at ibinalik sa akin ang kanyang atensyon. Nagbitiw rin muna siya nang malalim na pagbuntong-hininga saka siya nagsalita.

“No,” mahinahon nitong pagtutol sa akin. Kasunod nito ay sinikap niya rin ang ngumiti pabalik sa akin. “Pasensiya ka na kung parang nagiging paranoid ako. Nakalimutan kong family day nga pala natin ngayon. I’m sorry… Hayaan mo, hindi ko na iintindihin ’yon. Baka naman nasosobrahan na rin ako sa pagkakape kaya nagkakaganito ako?” paghingi pa niya ng paumanhin at natawa sa huling bahagi ng sinabi nito.

Hindi ko rin naiwasan ang matawa dahil sa kanyang pagbibiro.

“’Yan na nga ba ang sinasabi ko, Daddy, eh!” kunwari ay panenermon ko sa kanya. “Bukas na bukas, hindi na muna kita ipagtitimpla ng kape! Gatas muna! Naiintindihan mo?!” pagbibigay kondisyon ko pa rito.

“Kahit kalahating tasa lang?” pagsakay naman sa akin nito.

“Bawal!” hindi ko rin pagpapatalo.

Magsasalita pa sana siya, ngunit mabilis ko nang inilagay ang aking hintuturo sa ibabaw ng labi niya.

“’Wag kang makulit, Daddy! ’Pag sinabi kong hindi puwede, hindi puwede!” may otoridad na ang aking boses na pagpigil sa kanya.

Tila ba naaliw naman siya dahil bigla rin itong natawa. Kasunod nito ay niyakap niya ako at halos isayaw na ang aking katawan dahil sa panggigigil nito.

“Ang istrikta mo talaga! Nakakatakot ka ’pag nagsimula ka nang magbubunganga!” reaksyon niyang natatawa.

Makakarinig pa sana siya sa akin ng katakot-takot na sermon ngunit hindi ko na iyon naituloy nang sumabat na ang aming mga anak.

“Ayyiieee! Ang sweet naman ng Papa at Daddy namin!” kantiyaw sa amin ni Marl.

“Stay in that position lang, Papa, Daddy! Kinukuhanan ko po kayo ng pictures!” masaya namang utos sa amin ni Kryz.

Tuluyan nang nawala ang alalahanin namin ni Oliver dahil sa nagbalik-siglang tagpo kasama ang aming mga anak. Walang tigil na asaran, katuwaan at kantiyawan ang namayani sa aming mesa. Kung minsan nga ay napapatingin pa sa amin ang ibang kumakain dito sa restaurant dahil sa ingay naming apat.

Dumating ang aming pagkain at masaya naman namin itong pinagsaluhan. Parang nasa isang piyestahan kami dahil napakaraming in-order ni Oliver.

“Can I have some, Ate?” si Marl na kausap ang kanyang kapatid. Humihingi ito ng ice cream dahil mabilis niyang naubos ang para sa kanya.

“Eh? Favorite ko rin ’to, eh! Bakit kasi inubos mo agad ang sa ’yo?” nakanguso namang pagtutol ni Kryz dito.

“Oopps! Tama na ’yan!” mahinahong pag-awat ko naman sa kanila.

“No! I want more! Pahingi na kasi, Ate!” pagpupumilit naman ni Marl.

“No! This is mine!” si Kryz din na hindi nagpapatalo.

Ang sumunod na naganap ay hinawakan ni Kryz ang kanyang baso para ilayo iyon sa aming bunso. Pero dahil sa kagustuhan ni Marl na makahingi talaga sa kanyang kapatid ay mabilis niya rin na kinuha iyon.

Bihira naman magtalo ang dalawang ito, nangyayari lamang ito tuwing nakakaramdam ng inggit si Marl sa Ate nito. Tipikal na pagtatalo ang nangyari sa magkapatid. Agawan sa isang bagay na pareho nilang gusto.

Kikilos na sana ako para awatin sila, ngunit dahil sa bilis ng pangyayari ay nahuli na akong pigilan ang dalawa.

“Ayan tuloy… Natapunan na ako ng ice cream! Ayaw mo kasi akong bigyan, eh!” reklamo na ni Marl habang tinitingnan ang sorbetes na nagkalat sa kanyang damit.

Hindi na nakapagsalita si Kryz. Umukit na lamang sa kanyang mukha ang pag-aalala at pagsisisi dahil sa nangyari.

Lalapitan ko na sana silang dalawa, ngunit naging maagap si Oliver na hawakan ang aking pulsuhan. Nang lingunin ko naman siya ay kalmado lang ang kanyang ipinapakita, ngunit umiling ito tanda na hayaan siyang magsalita bilang padre de pamilya.

Ilang sandali pa ay hinarap ni Oliver ang dalawang bata.

“Are you done with your petty fight?” seryoso ang ekspresyon niyang pagtatanong sa kanyang mga anak.

Hindi nakaimik ang dalawang bata. Nakatingin lamang ang mga ito sa kanilang ama.

“Y’see the result? Dahil ayaw n’yong magbigayan na magkapatid, may napapahamak. So, what will happen in the future kung lagi kayong ganyan? Hihintayin n’yo pa ba ang may masaktan?”

Mahinahon ang boses ni Oliver habang pinagsasabihan ang kanyang mga anak, ngunit sa bawat salitang kanyang binibitiwan ay talaga namang tatatak.

Napayuko ang dalawang bata dahil sa pinaghalong hiya, pagsisisi at takot sa kanilang Daddy.

“Ganyan ba ang itinuro namin sa inyo?” tanong na naman ni Oliver sa kanila ngunit walang naging tugon ang mga bata. “I am asking you. Sumagot kayo. Ganyan ba ang tinuturo namin ng Papa n’yo sa inyo?” pag-uulit pa nito sa kanyang tanong.

“No, Daddy…” malungkot naman na sagot ng dalawa habang nakatungo.

Pinagmasdan kong mabuti sina Marl at Kryz. Kahit sila ay nakayuko sa mga oras na ito, nakikita kong namumula na ang kanilang mga tenga at noo. Iisa lang ang ibig sabihin no’n, anomang oras ay iiyak na rin ang mga ito.

“Daddy…” may pagsusumamo ko nang bulong kay Oliver. Hinawakan ko na rin ang kanyang kamay upang ito ay awatin.

“Hindi pa ako tapos. Hayaan nating ma-realize nila ang pagkakamali nila. Nagiging makulit na rin sila kaya dapat silang mabigyan ng lesson.” seryoso pa rin nitong sagot sa aking pag-awat sa kanya.

Bihira lang na kausapin ni Oliver ang mga bata tungkol sa kasalanan ng mga ito. Kaya naman tuwing ganito siya ay kailangan kong ibigay sa kanya ang pagkakataon.

Muling hinarap ni Oliver ang kanyang mga anak.

“So, what will you do, Ate Kryz? Napahamak mo ang bunso mong kapatid,” pakikipag-usap nito sa kanyang panganay. “And how about you, Marl? What will you say to your Ate dahil kinukuha mo ang hindi naman para sa ’yo?” pagkausap naman nito sa kanyang bunso.

Naghintay kami ni Oliver sa magiging aksyon ng dalawang bata. Ilang segundo rin ang lumipas hanggang sa dahan-dahan nilang harapin ang isa’t isa.

“I’m sorry, Marl… Next time, I’ll be more careful… Bibigyan na kita lagi ng food…” mangiyak-ngiyak na paghingi ng tawad ni Kryz sa kanyang kapatid.

“S-sorry rin, Ate… Sorry… That’s yours… I shouldn’t get anything from you especially if it’s your property… S-sorry…” sagot naman ni Marl at tuluyan na rin itong umiyak.

Pinanood lang naman namin sila ni Oliver na ngayon ay tinutulungan nang punasan ang luha ng isa’t isa.

“Now, clean up your mess. Ayaw ko nang mauulit ito, ha?” huling bahagi na ng pangaral ni Oliver sa kanila.

“Yes, Daddy… Sorry po…” nahihiya namang sagot ng dalawa.

“Sa akin lang ba kayo dapat na mag-sorry? Pinag-alala n’yo rin ang Papa ninyo.” paalala pa ni Oliver sa mga ito.

Unti-unti naman akong nilingon nina Kryz at Marl.

“Sorry, Papa…” paghingi naman nila sa akin ng tawad na tinugon ko lang nang pagtango habang nakangiti sa kanila.

Kahit pa may nangyaring ganito sa amin ngayon, sa tingin ko ay mapapasama pa rin ito sa aming magandang karanasan. Normal lang naman ang ganitong pagtatalo sa isang pamilya, ngunit ito rin ay isa sa mga dahilan kung bakit mas nagiging matibay ang bawat pagsasama.

“Daddy, may mga damit naman akong inihanda sa kanila kanina para may pamalit sila. Nasa kotse ’yon. Kukunin ko lang para makapagpalit na rin si Marl.” masigla ko na ngayong paalam kay Oliver.

Tumango naman si Oliver habang nakangiti. Kasunod nito ay iniabot na rin niya sa akin ang susi ng aming kotse.

“Bilisan mo lang, ha? Mami-miss kasi agad kita.” paalala pa nito na hinaluan ng pagbibiro. Hindi ko tuloy naiwasan ang matawa dahil doon.

“Daddy, ayun lang ang kotse, oh?! Natatanaw nga natin dito!” pagsaway ko naman sa kanya.

Natawa rin siya sa kanyang kalokohan, pero matapos iyon ay inalalayan niya pa akong makatayo sa aking kinauupuan.

Mataas ang sikat ng araw sa katanghalian. Maganda naman ang panahon dahil mahangin pa rin ngayong oras.

Nagtungo na ako sa aming sasakyan nina Oliver. Hindi ko maiwasan ang matawa dahil naaaliw talaga ako tuwing pipindutin ko ang buton na nasa susing hawak ko. Malayo pa lang kasi ay naririnig ko na ang tunog ng kotse naming iyon. Tuwing darating nga si Oliver sa aming bahay at sinasalubong ko ito, hinahayaan niya akong paglaruan ang tunog nito.

Bago ko binuksan ang likurang bahagi ng sasakyan ay tinanaw ko pa ang aking pamilya na nasa loob ng restaurant. Hindi ko maiwasan ang mapangiti dahil nakita kong tinutulungan na ngayon ni Oliver na punasan ang dumi sa damit ni Marl.

Walang nagbago sa aspetong iyon ni Oliver. Nakabibilib talaga ang pagiging ulirang ama niiya. Mahusay siya sa pagdidisiplina sa kanyang mga anak simula pa noong una ko siyang makilala.

Mula sa likod ng aming sasakyan ay kinuha ko ang bag kung saan ko inilagay ang ilang damit ng mga bata. Siniguro ko rin na may dala akong alcohol, polbo at maliliit na tuwalya dahil alam kong malilikot sila at madaling pagpawisan.

“Ayan! Papalitan ko na rin ng damit si Kryz! Baka amoy pawis na rin siya!” pakikipag-usap ko pang masigla sa aking sarili.

Hawak ang dalawang damit, isang short ni Marl, dalawang towel, alcohol at isang polbo, minadali ko na ang pagkilos para maisara ang pintuan ng kotse sa bandang likod. Pero dahil din sa pagmamadali kong iyon ay hindi ko nabalanse ang pagkakahawak sa mga gamit kaya nalaglag ang alcohol sa semento.

Isinara ko muna nang maayos ang likod ng kotse bago naman ako nag-abalang damputin ang alcohol. Sa kabutihang palad, may isang tao naman ang tumulong sa akin upang pulutin ang bagay na iyon.

“Salamat po.” nakangiti kong sambit sa taong tumulong na madampot ang alcohol. Hindi ko pa siya magawang tingnan nang tuwid dahil inayos ko muna ang pagkakahawak sa mga bitbit ko.

Hindi nagbigay ng sagot ang taong nasa aking tapat. Tanging ang kanyang katawan lamang ang aking nakikita na sa tingin ko ay purong puti ang kasuotan.

Nang masigurong maayos na sa aking mga kamay ang gagamitin ng aking mga anak ay doon ko na lamang hinarap ang taong nasa aking tapat.

“Salamat po uli––”

Hindi ko na naituloy ang aking pasasalamat sa taong iyon nang masilayan ko nang tuluyan ang kanyang mukha.

Nang magtagpo ang aming mga paningin, pakiramdam ko ay tumigil din ang puso ko sa pagpintig.

Gusto kong kumbinsihin ang aking sarili na may malaking salamin lamang ngayon sa aking harapan. Gusto kong isipin na repleksyon ko lamang ang aking nasisilayan. Ngunit ang mga mata naming ngayon ay magkaiba ang ipinamamalas ang nagbibigay patunay na isa itong katotohanan.

Batid kong nanlalaki ngayon ang mga mata ko, pero ang mga mata ng taong nasa aking tapat ay lumuluha nang tuloy-tuloy.

“K-kumusta, France..?”

Malumanay ang kanyang boses. Tipid lang ang kanyang sinabi, ngunit parang isa itong malakas na sigaw sa aking pandinig.

“K-kumusta ka na..?”

Ang kaninang maliwanag na langit, sa paningin ko ngayon ay tila ba mabilis na binalot ng dilim.

“S-sa wakas… Sa wakas… Nagkita na rin tayo…”

Pakiramdam ko ay nananaginip ako. Pakiramdam ko ay binabangungot ako sa mga oras na ito.

“F-france… Hindi mo lang alam kung gaano ako ngayon kasaya dahil nakita na kita… Sobrang saya ko… P-pakiramdam ko, nagbunga na ang lahat ng paghihirap ko…”

Kasunod ng mga kataga niyang iyon ay ang paghaplos ng malalambot niyang palad sa aking mukha.

“A-ang gwapo-gwapo ng kakambal ko… Manang-mana sa akin…” umiiyak niya pa ring pagsasalita at natawa nang bahagya. Patuloy rin niyang hinahaplos ang aking mukha.

Habang nakadikit ang kanyang mga palad sa aking mukha ay lalo lamang ako nitong ginigising sa katotohanan. Mainit ang mga palad niyang iyon katunayan na siya ay buhay na buhay.

“H-hindi…” sa wakas ay nagawa kong makapagsalita gamit ang aking boses na nanginginig.

“Ssshhh…” pag-awat naman nito sa akin at inilagay pa ang isa niyang daliri sa aking bibig. “’Wag kang matakot… P-pakiusap, France… Hindi ako nagpunta rito para manggulo… Nagpunta lang ako rito dahil gusto kitang makita… ’Yon kasi ang pangarap ko simula pa noon…” dugtong pa nito.

Sa hindi mabilang na pagkakataon ay hindi na naman ako nakatugon. Naging dahilan tuloy iyon upang siya ay magpatuloy.

“A-ang saya ko, France… Sa wakas… Nahawakan na rin kita… Sobrang saya ko ngayon…” wika pa nito at napahagulgol.

Matapos ang mga salitang iyon ay mabilis din niya akong niyakap nang mahigpit. Kasunod din nito ay paulit-ulit niya akong hinalikan sa pisngi.

“A-ang saya ko… N-nayakap ko na rin sa wakas ang kakambal ko… Ang saya-saya ko, France… Sobrang saya ko…” paulit-ulit niya pang pagsasalita sa pagitan ng kanyang paghalik sa akin.

Napapikit ako habang kulong ako ng mga bisig nito. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong nararamdaman ko. Mabilis ang tibok ng aking puso na tila kakapusin na ako sa paghinga. Nanghihina ang aking buong katawan na animo’y anomang oras ay babagsak na lamang ako sa lupa.

Hindi ko alam kung gaano na kami katagal na nasa ganoong posisyon. Namalayan ko na lamang na unti-unti nang naghihiwalay ang katawan namin nito.

“France… H-hindi ako manggugulo, pangako… Ikaw lang talaga ang sinadya ko rito… Ikaw lang ang dahilan kung bakit ako nandito… W-wala nang iba…” muli nitong pagsasalita at hinaplos na naman ang aking mukha.

Gusto kong magtanong. Gusto kong mag-usisa. Gusto kong alamin ang maraming bagay mula sa kanya. Pero sa bawat pagtatangka kong ibuka ang aking bibig ay tila ba ang aking boses ay tuluyang nang nawala.

“F-france…” muli niyang pagtawag sa aking pangalan at umiyak nang malakas. “Ituring mo ulit akong patay… Pakiusap… Isipin mong nagpakita lang ako sa panaginip mo… N-nakikiusap akong ibalik mo sa dati ang ngiti mo… Ipagpatuloy mo kung ano ang sinimulan mo… Ituloy mo ang pamumuhay kasama ang mga iniwan ko… At kung puwede sana… K-kung puwede… ’Wag na ’wag mong sasabihin sa kanila ang nangyaring ito… Hayaan mong manatili na lang akong alaala sa kanilang lahat… Hayaan mong ibaon na nila ako sa limot nang tuluyan…” mahaba pa nitong pagpapatuloy na tila hirap na hirap.

Umiling ako nang paulit-ulit sa hindi ko malamang dahilan. Iyon lamang ang aking nagawa habang sa kanya ay nakikipagtitigan.

“No…” pagkontra niya rin sa akin na umiiling. “G-gaya ng sinabi ko… Nagpunta lang ako rito para sa ’yo… Ikaw lang ang dahilan dahil matagal na kitang gustong makita at mayakap tulad nito… K-kaya pakiusap… Kalimutan mo na rin agad ito…” pagsusumamo pa nito.

Nanatili lamang ako sa kanyang nakatingin. Ilang sandali pa lamang ay unti-unti na rin siya na sa mukha ko ay bumitiw.

“Aalis na ako, France… H-hangad ko… Hangad ko ang kaligayahan ninyo… Mag-iingat ka, ha..? L-lagi mo rin tatandaan… Lagi mong tatandaan na kahit pinaghiwalay tayo, mahal na mahal kita… Mahal kita, France… Mahal kita, aking kambal…” pagpapaalam na nito at bahagya nang umatras.

May utos sa aking utak na siya ay pigilan, ngunit may utos din ang aking puso na hayaan siyang lumisan.

Nasaksihan ko kung paano siya unti-unting kumilos para ako ay iwan na nang tuluyan, ngunit bago pa iyon maganap ay nakita ko rin kung paano niya tinanaw ang loob ng restaurant.

Sa wakas ay nagawa kong maikilos ang aking katawan. Ginamit ko naman ang pagkakataong iyon para sundan ang kanyang tinatanaw mula sa restaurant.

Naroon ang tatlong taong nagkakatuwaan na sa mga oras na ito. Bakas sa kanilang mga mukha ang labis na saya habang sila ay naglalaro. Wala sa kanilang kamalayan ang nagaganap sa amin sa mga oras na ito. Wala silang kaalam-alam na may isang pangyayari na maaaring magpabago sa pamumuhay namin ng mga ito.

Dahan-dahan ay binalikan ng aking mga paningin ang taong kanina lamang ay yakap ako. Nakapako pa rin ang kanyang mga mata sa tatlong tao na nasa restaurant, ngunit habang patuloy niya iyong tinitingnan ay nakikita ko rin sa kanya ang labis niyang kalungkutan.

Mas lalong naging mabilis ang pagdaloy ng kanyang mga luha. Mas naging malakas ang kanyang mga pag-iyak. Mas lalo rin siyang nahihirapang huminga.

Sinubukan kong iangat ang aking isang kamay, ngunit bago ko pa iyon magawa ay mabilis din siyang tumakbo palayo mula sa aking kinatatayuan.

Naiwan akong nakatulala sa aking pwesto. Nanatili akong nakatanaw sa malayo.

Sa paglipas ng bawat segundo, naging magulo ang isip ko. Naghalo-halo na ang katanungan ko rito.

“B-bakit..? P-paano..? Kailan pa..?”

Marami pa akong katanungan na hindi maiproseso nang maayos ng aking utak.

Hinawakan ko ang aking dibdib. Mabilis pa rin ang pagtibok ng aking puso.

Hinayaan kong pag-aralan kung ano ang eksaktong nararamdaman ko. At makalipas nga lamang ang ilang sandali ay may nakumpirma ako.

Natatakot ako.

Takot na takot ako.

Ano na ang mangyayari sa akin ngayong nagbalik ang dahilan kung bakit ako napadpad dito?

Paano ko haharapin ang bukas kung naririto na ulit ang nag-iisa kong kadugo?

Magbabalik ba ako sa pagiging mag-isa ngayong nandito na ang kapatid ko?

Mangungulila ba ulit ako ngayong nagpakita na ang lehitimong kapamilya ng sa akin ay kumupkop?

Babawiin na ba sa akin ni Weldy ang lahat ng pag-aari nito?


A/N

So, there. Malugod kong wine-welcome ang inyong mga violent reactions. Charot! Labyu, guys!

I hope, by this chapter ay nasagot na ang tanong kung matatapos na ba itong kuwento? Hindi pa po. Medyo mahaba pa ang itatakbo nito dahil naririto pa lang tayo sa season 2.

Ito na ang sinasabi ko sa ’yo,

totoywayo

! Maraming salamat dahil isa ka sa mga sumusuporta sa istoryang ito! Labyu, dear!

Maraming salamat sa mga nag-abang! Sa mga nanatiling nakaantabay! Sa mga patuloy na bumoboto lalo na sa mga nagkokomento! Maraming salamat sa inyo!

Hanggang sa muli po!

Mahal ko kayo!

–– cold_deee ❤

10.15.2015

Chapter 30

(A/N: Puwede n’yong i-play ang nasa media habang nagbabasa nitong buong chapter. Song title: Akin Ka Na Lang - By: Morissette Amon )

  ![](https://img.wattpad.com/9e5736a2a9112658d3b6f443f026d74c8b1979bf/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f78623745564f444772355f4457673d3d2d3439353933373239332e313535663965653864613936643031363639313031313630393134352e6a7067)

FRANCE POV

“France, nagmamakaawa ako sa ’yo… Ibalik mo na sila sa akin… Hindi ko kayang malayo sa pamilya ko…” pagmamakaawa nito habang nakaluhod siya sa tapat ko.

Pinagmasdan ko siyang mabuti. Namumugto na ang kanyang mga mata dahil kanina pa siya lumuluha.

“Naranasan mo naman ang sumaya sa piling nila, ’di ba..? Kahit naman sa sandaling panahon, naranasan mo naman ang magkapamilya, ’di ba..? Kaya nakikiusap ako… Ibalik mo na sila sa akin dahil hindi ko kayang mawala sila…” muli niyang pakiusap sa pagitan ng kanyang pag-iyak.

Naikuyom ko ang aking mga kamao. Sinikap ko rin na hindi lumuha sa harap nito.

“P-paano ako, Weldy..? Ano na lang ang mangyayari sa akin..?” tanong ko sa kanyang mahinahon.

Natigilan siya at hindi nakapagsalita. Mula sa isang metro na aming layo, naghintay ako sa kanyang magiging kasagutan.

Gusto kong alamim kung ano ang magiging plano nila sa akin. Gusto kong marinig kung may malasakit ba sila sa akin. Pero sa paglipas ng bawat segundo, isang bagay ang nagbigay kasagutan sa tanong ko.

Unti-unting napayuko si Weldy.

S

apat na rin ang ginawa niyang iyon para makakuha ako ng sagot.

Wala silang plano. Sakaling pumayag ako sa kanyang gusto, wala silang balak na isama ako sa mga susunod na araw na mamumuhay ang mga ito. Mawawala na sila at hahayaan na lang ako.

Ayaw ko. Ayaw ko nang bumalik sa dati. Ayaw ko nang danasin ang pakiramdam na nag-iisa dahil wala akong pamilya. Ayaw ko nang maramdaman ang lungkot at pagdurusa. Ayaw ko nang manlimos sa kalinga at atensyon ng iba. Dahil kung mangyayari ulit iyon, baka maging katapusan na rin iyon ng aking buhay.

Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa aking isip ang mga naganap. Malinaw ko pa rin na nakikita ang kanyang imahe sa aking isipan.

Si Weldy na aking kakambal, hanggang ngayon ay hindi siya maalis sa aking isipan. At kahit sa gabi tuwing ako ay natutulog, dinadalaw niya ako sa panaginip para lang magmakaawa. Hindi niya ako pinatatahimik sa paulit-ulit niyang pakiusap.

Noong una at huli kaming nagkita, ibang-iba ang mga binitiwan niyang mga salita. Pinagtutulakan niya ako sa kanyang pamilya, pero sa aking panaginip ay nagmamakaawa siyang ibalik ko na sila sa kanya.

Muli kong inalala ang imahe ni Weldy. Wala kaming pinagkaiba. Parehong-pareho ang bawat parte ng aming mga katawan lalong-lalo na ang aming mga mukha. Ang pigura ng katawan, ang ilong na may katangusan, ang labi na may kanipisan, at ang mga mata naming may kasingkitan. Maging ang aming mga boses ay hindi mariringgan ng kaibahan. Lahat ng mga iyon ay sadyang magkatulad.

Kung mayroon lamang sa amin ang hindi nagkakapareho, iyon ay ang mata naming iba ang sinasalamin dito. Ang aking mga paningin ay puno ng sigla dahil sa aking mga natatamasa, habang ang kanya ay puno ng paghihirap at pagdurusa.

“France?”

“France, are you okay?”

“France!”

Sa huling pagtawag ng aking pangalan ay doon lamang ako natauhan.

“D-daddy…” pagtawag ko sa lalaking nakaupo sa aking tabi. Bakas na rin sa kanyang mukha ang pinaghalong pagtataka at pag-aalala habang nakatingin nang tuwid sa akin.

“Tinatanong kita kung ano ang flowers na gusto mong gamitin sa kasal natin? Pinapipili rin kita sa catalogue na ’to kung ano ang gusto mong suotin? Pero simula pa kanina, hindi mo ako sinasagot. May problema ba?” sunod-sunod na niyang pag-uusisa.

Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko magawang sagutin ang kanyang pag-uusisa.

Dahan-dahan ay nilingon ko ang mga bagay na nasa ibabaw ng maliit na mesa. May isang notebook kung saan isinusulat ni Oliver ang aming mga kakailanganin para sa pinaghahandaan naming kasal. Marami pang mga magazine ang naririto na sari-sari ang nilalaman — mga damit pangkasal, bulaklak, singsing at mga lugar na maaari naming puntahan sa oras na matapos ang aming kasal.

Naririto kami sa lanai ng aming bahay. Malapit kami sa pool at napili naming dito pag-usapan ang mga magaganap sa hinaharap. Malalim na ang gabi kaya naman tahimik ang kapaligiran. Katatapos lang din namin patulugin ang mga bata kaya naman wala kami ngayong kalaro at kakulitan.

Maraming gustong mangyari si Oliver sa nalalapit naming kasal. Napakarami niyang plano na para lamang sa aming dalawa at sa aming pamilya. At sa bawat pag-iisip niya sa mga bagay na iyon, masaya rin niyang ibinabahagi sa akin iyon.

“Hey,” malambing nang pagtawag sa akin ni Oliver. Binitiwan na rin niya ang hawak na ballpen upang abutin ang aking mga kamay. “France, may problema ba? Napapansin ko, nagiging tahimik ka nitong mga nagdaang mga araw? Parang nagiging balisa ka rin at laging tulala? May hindi ka ba nagugustuhan sa mga pinaplano ko? C’mon, tell me. Baka naman kasi ako lang ang natutuwa rito, pero ayaw mo naman pala sa suggestions ko?” mas nag-aalala na nitong pagtatanong.

Umiling ako nang maraming beses at tiningnan siya nang tuwid. Sa hindi ko malamang dahilan ay bigla ko na lamang din inabot ang kanyang mukha para haplusin iyon nang marahan at paulit-ulit.

“H-hindi, Daddy! Hindi! Gusto ko ang lahat ng plano mo!” mabilis kong pagkontra rito.

“Then, bakit ka ganito ngayon? Bakit parang hindi ka masaya sa mga naririnig mo?” tila ba may lungkot na niyang pagtatanong. “Simula noong huli tayong lumabas ng mga bata, lagi ka na lang ganito. ’Pag tinatanong naman kita kung anong problema, hindi mo ako sinasagot. Pati ang mga anak natin, nakakahalata na sa pagiging matamlay mo.” mahaba pa niyang pagpuna.

Nagsimula na naman ang kabang namamayani sa dibdib ko ng isang linggo. Mabilis ang tibok ng aking puso dahil sa sobrang takot.

Sasabihin ko ba kay Oliver ang nadiskubre ko? Sasabihin ko bang nagkita kami ng kakambal ko? Magagawa ko bang ipagtapat sa kanya na buhay na buhay ang dating asawa nito?

Dati?

Mali.

Maling-mali.

Dahil ngayong buhay si Weldy, nangangahulugan lamang na siya pa rin ang asawa ni Oliver. At ako? Ano na nga ba ako sa kanya? Sa kanila? Sino na ako sa mga buhay nila?

Habang iniisip ko ang mga bagay na iyon ay muli na naman akong naging balisa. Nagsimula na naman ang panginginig ng aking katawan dahil sa kaba.

“H-hey… You’re trembling…” biglang pagpuna ni Oliver. Mabilis niya rin na kinuha ang aking kamay na nasa kanyang mukha at paulit-ulit iyon na hinalikan. “France, nag-aalala na ako… May hindi ba ako alam na nangyayari sa ’yo..?” puno ng pag-aalala na nitong tanong.

Napako ang tingin ko kay Oliver, at sa bawat segundong lumilipas ay hindi ko naiwasan ang makaramdam ng paninikip ng dibdib.

Ang lalaking ito, siya ang buong-pusong tinanggap ako sa kabila ng hindi namin pagkakapantay ng estado. Siya ang lalaking tumupad sa mga pangarap ko. Siya ang walang takot na sumugal para lang mapanindigan ako.

Kung sakaling bumalik ang taong minsan nang naging bahagi ng buhay nito, sigurado akong mababaon din sa limot ang pinagsaluhan naming pareho. Walang duda na mabubura ako sa kanyang alaala para muling yakapin ang nakaraan niyang iyon.

Dahil sa sari-saring bagay na tumatakbo sa isip ko ngayon, lalo lamang akong binalot ng matinding takot. Pigilan ko man na hindi ipakita ang itinatago kong emosyon, huli na rin para roon. Pinagtaksilan na ako ng mga mata kong nagsisimula nang maglabas ng mga luha ngayon.

“F-france..? W-why..? Bakit ka umiiyak?” mas nag-aalala nang tanong sa akin ni Oliver. Mabilis din niyang pinunasan ang aking mga luha gamit ang kanyang palad.

Sa nakalipas na isang linggo, ngayon ko lang naipakita ang kahinaan ko. Ngayon lang ako umiyak dahil sinikap kong magpakatatag sa paglipas ng mga araw, oras at kahit minuto. Pero dahil sa laging nabubulabog ang isip ko, sa tingin ko ay dito na rin ako susuko.

Inabot ko ang kamay ni Oliver na nasa aking mukha. Naging mahigpit ang pagkakahawak ko roon na tila ayaw ko na itong bitiwan.

“D-daddy…” nanginginig ang boses kong pagtawag sa kanya.

Umayos ng pagkakaupo si Oliver sa aking tapat. Tinumbasan niya rin ang mahigpit na pagkakahawak ko sa kanyang mga kamay habang suot niya ang ekspresyong nag-aalala at naguguluhan.

Hindi siya nagsalita. Ang hinintay na lamang niya ay ang pagpapatutuloy ko sa aking pagtatapat.

“D-daddy… Sabi mo, mahal mo ako, ’di ba..? S-sabi mo, hindi mo ako iiwan, ’di ba..? Sabi mo… S-sabi mo, hindi mo hahayaan na bumalik ako sa nakaraan ko, ’di ba..?”

Tila ba mas lalong naguluhan si Oliver dahil sa mga binitiwan kong mga salita. Naging malikot ang kanyang mga mata na inililibot iyon sa aking mukha.

“D-daddy… S-sumagot ka… Nangako ka sa akin, ’di ba..? Hindi mo ako iiwan, ’di ba..? Hindi n’yo ako iiwan ng mga bata, ’di ba..? Kayo pa rin ang pamilya ko, ’di ba..?” pag-uulit ko pa sa aking mga katanungan. Nasundan na rin iyon nang mas malakas kong pag-iyak habang nanginginig ang buo kong katawan.

Takot na takot ako. Sa paglipas ng mga araw na dala-dala ko ang alaalang nagkaharap kami ng kakambal ko, nadadagdagan pang lalo ang pangamba ko.

“France…” tangi lang nasabi ni Oliver.

Dahil sa wala akong nakuhang sagot mula sa kanya ay hindi ko sinasadyang mabulyawan siya.

“Daddy, sumagot ka! Sagutin mo ang mga tanong ko!” sigaw ko at marahas kong tinanggal ang pagkakahawak sa mga kamay nito.

Lalo nang naguluhan si Oliver dahil sa ikinikilos ko. Sinubukan niyang abutin muli ang aking mga kamay ngunit pilit kong iniiwas ang mga iyon.

“F-france?! Ano ba talagang nangyayari sa ’yo?! Nag-aalala na ako! Hindi ka naman ganito dati, ah?!” tanong niyang nagtataka.

Maging ako ay nagtataka na sa sarili ko. Magulong-magulo na talaga ang isip ko. Naghalo-halo na ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko nga, bilang na ang aking mga araw at mamamatay na lang ako anomang oras.

Wala akong maisagot kay Oliver. Ang tanging nagawa ko lamang ay takpan ang aking magkabilang tainga gamit ang aking mga palad. Nagpatuloy rin ako sa pag-iyak na mas naging malakas. Nangyari iyon dahil muli ko na namang nakita ang umiiyak na imahe ni Weldy sa aking isipan.

“France..?” gulong-gulo nang pagtawag sa akin ni Oliver.

Sa mga oras na ito, marahil ay iniisip niyang nababaliw na ako. Siguro nga. Siguro nga, unti-unti na akong nasisiraan ng ulo. Naghahalo sa aking isip ang mga mangyayari sa oras na magbalik ang asawa nito.

“D-daddy… N-natatakot ako… Natatakot ako, Daddy…” hagulgol ko na kay Oliver.

Nasaksihan ko kung paano rumehistro ang pinaghalong takot at pag-aalala sa kanyang mukha. Ilang segundo niya rin akong tinitigan upang suriin nang mabuti at masinsinang pakiusapan.

“F-france, please calm down, okay..?” pakiusap nito sa akin. “Kumalma ka, please? Pag-usapan natin ’to nang maayos. Kung anoman ang gumugulo sa ’yo, puwede mo namang sabihin sa akin?” pagkumbinsi niya pang mahinahon.

Sabihin sa kanya? Magagawa ko ba iyon? Paano ko sasabihin sa kanya ang bagay na iyon kung ang kapalit ay ang pagbabalik sa pagiging miserable ko?

Ayaw ko na. Ayaw kong nang balikan ang dating ako. Ayaw ko nang danasin ang inggit sa mga batang nagagawang kupkupin ng ibang tao habang ako ay tahimik lang na nanonood sa kanila. Ayaw ko nang balikan ang pakiramdam na nag-iisa at walang pamilya.

Dahil sa wala akong magawa kundi ang umiyak lamang sa harap ni Oliver ay kanya na rin itong sinamantala. Nasaksihan ko kung paano siya nag-aalangan na iangat muli ang kanyang mga kamay para lang mahawakan ako.

“France, ’di ba, nangako tayong wala na tayong ililihim sa isa’t isa..? Wala na tayong itatago dahil ayaw na nating mangyari ang nangyari sa nakaraan natin, ’di ba..? Nangako ka… Nangako rin ako… Natatandaan mo, ’di ba..?” pagpapaalala nito. “Now, sabihin mo sa akin kung ano ang gumugulo sa ’yo… At nangangako ako, tutulungan kita sa problema mo…” dugtong pa niyang pagkumbinsi sa akin.

Napailing ako nang maraming beses habang takip pa rin ang aking mga tainga.

“N-natatakot ako, Daddy… A-ayaw ko… Natatakot ako…” paulit-ulit ko lang na sagot kay Oliver.

Naging maagap si Oliver dahil nang mabigyan siya ng pagkakataon ay kumilos siya para ako ay mayakap.

“Ssshhh…” pagpapakalma nito sa akin at hinaplos ang aking likod nang marahan. “Huminahon ka muna, okay..? Calm down, please..? Makikinig ako… Nangako akong tutulungan kita… Hindi rin ako mapapanatag kung nakikita kitang nahihirapan tulad nito…” sunod pa nitong pagkumbinsi sa akin.

Sa mga ganitong pagkakataon na kulong ako ng mga bisig ni Oliver, nakakaramdam talaga ako ng kaginhawaan. Mayroon siyang kakayahan na alisin sa akin ang labis na pangamba. Nagagawa niyang pababain ang tensyon gamit lamang ang mahinahong boses niya.

Sa wakas ay nagawa kong gantihan ang yakap na iyon ni Oliver. Mahigpit ang pagkapit ko sa kanyang katawan na nagiging dahilan upang malukot ang kanyang damit.

“It’s okay, France… It’s okay… ’Wag kang matakot… Nandito ako… Hindi kita iiwan dahil nangako ako sa ’yo…” wika niya pa at paulit-ulit na hinahalikan ang leeg ko.

Tanging paghikbi lamang ang aking nagawa. Naging matiyaga naman si Oliver na hintayin akong kumalma. Ganoon lamang kami ng ilang minuto at wala sa amin ang bumitiw kahit na isang segundo.

Nang maramdaman ni Oliver na bahagya nang nabawasan ang aking takot ay marahan niya akong binitiwan para makaharap. Hinaplos niya rin ang natitira kong mga luha gamit ang kanyang palad.

“Now, tell me kung ano ang bumubulabog sa ’yo… Makikinig ako… May tiwala ka sa akin, ’di ba..? Malaki rin ang tiwala ko sa ’yo… Nagsisimula pa lang tayo at gusto kong maayos natin ’to sa lalong madaling panahon…” malambing nitong pakiusap sa akin. Malumanay rin ang kanyang boses at sinikap niyang ngumiti sa akin.

Matagal akong hindi nakapagbigay ng reaksyon. Matagal kong pinag-isipan kung kakayanin ko bang sabihin iyon sa kanya o dapat ko pa bang ituloy.

Sa ilang minutong pag-iisip ay napagtanto kong kakailanganin ko rin ng sagot. Napag-isip-isip ko, ngayong naririto na ang bagay na ito, kailangan ko nang paghandaan at harapin ito.

“D-daddy…” una kong pagtawag dito. Nanginginig pa rin ang aking boses dahil sa takot.

“Sige, sabihin mo, France…” pagbibigay hudyat ni Oliver habang patuloy sa paghaplos ng aking mukha.

Lumunok muna ako bago bilang paghahanda. Sinikap ko rin na maging malinaw ang aking sunod na mga katanungan.

“P-paano kung… Paano kung buhay siya..? Paano kung bumalik siya..? P-paano kung dumating ulit siya para sabihing bumalik na kayo sa kanya..? Paano kung bawiin na niya kayo sa akin..?”

Ilang segundong natigilan si Oliver. Matapos iyon ay mabilis din na rumehistro ang labis na pagtataka sa kanyang mukha.

“H-ha?” tila ba hindi niya maintindihang reaksyon. “S-sino? Sinong babalik? Sinong babawi sa amin?” sunod pa nitong pagtatanong.

Base sa naging reaksyon ni Oliver, ngayon ko napatunayan na tinupad ng aking kakambal ang kanyang mga binitiwang pangako — na hindi niya kami guguluhin at hinding-hindi niya kami gagambalain. Dahil hanggang ngayon ay walang ideya si Oliver sa kanyang presensiya maging sa kanyang pagbabalik.

“Daddy…” hagulgol kong muli. Hinawakan ko rin nang mahigpit ang mga braso ni Oliver. “K-kung sakaling magkita kayo at papiliin ka niya… P-pakiusap… Ako na lang… Ako na lang, Oliver…” muli kong pag-iyak nang malakas.

Nanlaki ang mga mata ni Oliver tanda nang labis na pagkasorpresa.

“France, diretsuhin mo na nga ako!” hindi na nito napigilan ang pagtaasan ako ng boses. “Nag-aalala na ako sa ’yo! Hindi na kita maintindihan! Linawin mo ang sinasabi mo! Sino?! Sino ang babalik?! Sino ang babawi sa amin?! Sino ang ––”

“Si Weldy, Oliver!! Si Weldy na kakambal ko! Si Weldy na tunay na tatay ng mga anak mo! At si Weldy na totoong asawa mo!!”

Kitang-kita ko kung paano naestatwa si Oliver dahil sa ibinunyag ko. Nanlaki rin ang kanyang mga mata at naibuka pa nang bahagya ang bibig nito. At kahit ang mga kamay niyang ngayon ay nakaalalay sa akin, naramdaman ko kung paano ito nagsimulang manginig.

“A-ano..?” hindi makapaniwala niyang reaksyon.

Mas naging madiin ang pagkakahawak ko sa kanyang braso.

“B-buhay siya, Oliver… Nagkita kaming dalawa… Nahawakan ko siya… Naramdaman ko ang katawan niya… Buhay siya… Nagbalik siya…” muli kong hagulgol sa kanyang tapat.

Nang marinig iyon ni Oliver ay unti-unting lumuwag ang pagkakahawak niya sa aking mga kamay. Nakita ko pa kung paano siya natulala at tila naging blangko ang kanyang paningin.

Nakaramdam ako ng takot. Kaya naman bago pa tuluyang makabitiw sa akin si Oliver ay pinigilan ko na ito. Mas naging mahigpit ang pagkapit ko sa kanyang mga kamay na tila wala nang bubay ngayon.

Hindi ko na alam kung tama pa ba itong aking ginawa, dahil matapos kong hawakan ang mga kamay ni Oliver ay ang dahan-dahan kong pagluhod sa kanyang tapat.

“Oliver… P-parang awa mo na… A-ako… Ako na lang ang piliin mo… Ayaw ko nang mag-isa… Ayaw kong mawala kayo… Nagmamakaawa ako… H-hindi ko kakayanin… Hindi ko kayang mawala kayo ng mga bata…” pagmamakaawa ko kay Oliver sa pagitan ng aking pag-iyak.

Desperado na ako. Handa kong gawin ang lahat para lang manatili ako sa buhay ng mga ito. Kung kinakailangan niyang magbigay ng kondisyon, hinding-hindi ako magdadalawang-isip na gawin ang mga iyon.

“Daddy, sige na naman… W-wala na akong hihilingin pang iba… Hinding-hindi ko na kayo bibiguin ng mga bata… L-lahat… Lahat, Oliver… Gagawin ko ang lahat… ’Wag n’yo lang akong iiwan… Parang awa mo na… Sa akin na lang kayo sumama…” muli kong pagmamakaawa sa kanya.

Hanggang ngayon ay hindi magawang magsalita ni Oliver. Malayo lamang ang kanyang tingin habang nag-iisip nang malalim.

“Daddy… M-mag-aaral na ako kung ’yan ang gusto mo… P-pangako… Hihigitan ko siya… Magsusumikap ako para lang mapantayan siya… Kung ayaw n’yong mapahiya kayo dahil sa pagiging bobo ko… P-pangako… Mag-aaral na ako… Pero mangako ka… Ako na lang… Ako ang piliin mo…” pagsusumamo ko pa rito.

Nang marinig iyon ni Oliver ay tila ba doon lang siya nakabalik sa sarili nito. Napailing siya at natawa nang bahagya senyales na hindi siya naniniwala sa ibinunyag ko.

“I-imposible ’yang sinasabi mo, France… Imposible…” nauutal niyang sambit.

Sana nga. Sana nga ay imposible ang bagay na iyon. Pero hindi. Dahil ako mismo ang nagkaroon ng pagkakataong makita si Weldy.

Ilang sandali pa ay nagbuntong-hininga si Oliver. Nakikita kong sinisikap niyang pakalmahin ang kanyang sarili.

Gamit pa rin ang nanginginig at nanlalamig niyang mga kamay ngayon ay hinawakan niya ako sa magkabilang braso.

“T-tumayo ka na, France… Sige na, tumayo ka na…” nanginginig na rin ang boses niyang pag-alalay sa akin. Kasunod nito ay sinikap din niyang ngumiti. “Itigil mo na ’yan… Baka pagod ka lang..? Halika na..? Matulog na lang tayong dalawa… Bukas, sigurado ako, wala na ’yan…” dugtong pa nitong pakiusap.

Umiling ako nang maraming beses.

“H-hindi, Oliver… Hindi!” pagkontra ko sa kanya. “Makinig ka… Buhay si Weldy… Buhay ang kakambal ko at nakita siya ng dalawang mata ko! Nahawakan niya ako! Nayakap niya ako! Nangyari ’yon noong isang linggo! Noong nasa restaurant tayo! Noong lumabas ako saglit para kunin ang damit ng mga anak mo! Nandoon siya! At ang hinala mong may sumusunod sa atin noong araw na ’yon, sa tingin ko, walang iba ’yon kundi siya! Buhay siya, Oliv––”

“Sinabi kong tumigil ka na!!” hindi na nito napigilang pagsigaw. Napatayo na rin siya mula sa kanyang kinauupuan dahilan para siya ay aking tingalain. “Wala na siya, France! Matagal na siyang wala! Matagal na niya tayong iniwan! Nandoon ako! Nandoon ako noong matagpuan ang bangkay niya! Nandoon ako noong mailibing namin siya! Walang Weldy na babalik dahil matagal na siyang patay! At kung talagang buhay siya, matagal na sana siyang nagpakita! Itigil mo na ’to dahil walang babalik! Walang babalik na Weldy! Naiintindihan mo ba?!” sunod-sunod pa nitong pagsigaw.

Sa mga oras na ito, nag-aapoy na sa galit ang mga mata ni Oliver. Kumbinsido siyang walang katotohanan ang aking mga sinabi. Pilit niyang kinukumpirma ang pangyayari noon tungkol kay Weldy. Desidido siyang patunayan sa akin na matagal nang namaalam ang aking kapatid.

Pero hindi. Dahil sigurado akong buhay siya. Buhay na buhay siya at anomang oras ay babawiin na rin niya ang kanyang mga iniwan.

Dahan-dahan ay kumilos ako para makaahon mula sa pagkakaluhod. Sa kabila ng naghihirap kong kalooban at nanghihina kong katawan, sinikap kong yakapin ang kanyang bewang.

“Oliver, nakikiusap ako… Ako ang piliin mo… S-sabi mo… Sabi mo, mahal mo ako, ’di ba..? Sabi mo, tutuparin mo pa ang mga pangarap ko, ’di ba..? N-natatandaan mo..? Ipinangako mo sa akin ang bagay na ’yon… Kaya sige na naman… Ako ang piliin mo…” pakiusap ko na naman sa kanya.

Hindi na nakapagsalita pa si Oliver. Alam kong litong-lito na siya sa nangyayari. Alam kong hindi rin siya lubusang nakumbinsi.

Dahan-dahan ay tiningala ko siya. Nakapagdesisyon na ako. Hindi ako hihinto. Hindi ako titigil sa pagkumbinsi sa kanya hangga’t hindi rin ako nakakakuha mula sa kanya ng sagot.

“D-daddy… K-kapag nagpakita siya… Kapag bumalik siya… S-sino..? Sino ang pipiliin mo sa aming dalawa..?” muli kong pagtatanong sa kanya.

Kung kanina ay galit ang nakikita ko sa kanyang mga mata, nang tumungo siya sa akin para tingnan ako nang tuwid ay awa na ang aking nakikita.

“France, tama na… Ako na ang nakikiusap sa ’yo… Tahimik na siya… ’Wag na nating buhayin ang taong matagal nang wala…” nakikiusap na rin niyang pagkontra.

“Daddy… Ang tanong ko ang sagutin mo… Matatahimik lang ako ’pag nasagot mo ang tanong ko…” muli kong pakiusap sa kanya. “K-kung sakaling… Kung sakaling magpakita siya… S-sino..? Sino ang pipiliin mo sa aming dalawa..?” pag-uulit ko sa aking katanungan.

Gulong-gulo si Oliver. Nababasa ko iyon sa kanyang ekspresyon. Gusto niyang matigil na ang pinag-uusapan naming ito ngunit mas gusto ko ang makakuha ng sagot.

May ilang segundo ang lumipas hanggang sa magsalita ito nang halos pabulong.

“I-ikaw, France… Ikaw… Ikaw ang pipiliin ko…” tila ba pagsuko na lamang nito.

Dapat ay matuwa ako sa kanyang isinagot, ngunit bakit wala akong makapang saya sa puso ko? Dahil ba sa nakita kong nag-isip pa siya nang malalim? Dahil ba sa naramdaman kong hindi niya rin alam ang kanyang gagawin?

Mas lalong nag-unahan sa pagdaloy ang aking mga luha. Mas tumindi rin ang aking takot dahil nakita ko sa aking isipan ang imahe ni Weldy habang ito ay umiiyak.

Naitulak ko si Oliver dahilan para kami ay magbitiw sa aming pagkakayakap.

“H-hindi…” umiiling kong reaksyon. Gulong-gulo na talaga ang isip ko ngayon. “Sinungaling ka, Oliver! Nagsisinungaling ka! Alam kong sa oras na makita mo siya, tatanggapin mo ulit siya! Makikita rin siya nina Kryz at Marl! Magsasama ulit kayo dahil kayo naman talaga ang totoong pamilya! At ako! Iiwan n’yo na lang ako basta! Kalilimutan n’yo na lang akong lahat! Kasi hindi naman ako ang orihinal, ’di ba?! Kasi reserba n’yo lang ako, ’di ba?!” mahaba kong pag-aakusa sa kanya nang pasigaw.

Matinding pag-aalala pa ang gumuhit sa mukha ni Oliver. Sinikap din nitong abutin ang aking kamay ngunit agad ko rin iyong iniwas.

“France, hindi…” umiiling nitong depensa. “M-maniwala ka… Ikaw ang pipiliin ko dahil matagal ko na siyang kinalimutan…” pagkumbinsi pa nito sa akin.

Sa tingin ko nga ay tuluyan na akong nawala sa katinuan. Habang patuloy kasi akong lumuluha ay natawa rin ako nang bahagya.

“Talaga..? Sa tingin mo, gano’n mo ako kabilis na mapapaniwala..? Paano..? Anong pruweba mo para patunayan sa akin na ako ang pipiliin mo..?” ako na ngayon ang nag-uusisa.

Naging malikot ang mga mata ni Oliver. Naging malalim ang kanyang pag-iisip na tila sinisikap niyang alalahanin ang bagay na makakapagkumbinsi sa akin.

Ilang sandali pa ay hinarap niya ang maliit na mesa na nasa aming tabi. Naging mabilis din ang kanyang pagkilos upang damputin mula roon ang ilang mga papel.

“I-ito! Ito, France! Ito ang katibayan!” natataranta nitong pagsasalita habang ipinapakita sa akin ang mga magasin. “Kaya nga kita pakakasalan, ’di ba..? Kasi gusto kong makasama ka habang-buhay… Hindi pa ba sapat ang mga ito para patunayan na ikaw ang pinipili ko..?” paliwanag na nito sa mahinahon niyang tono.

Hindi ako nakaimik. Napako ang aking mga paningin sa mga papel na ipinapakita niya sa akin.

Nagpatuloy si Oliver sa pagpapaliwanag at nagawa na nitong lumapit sa akin nang paunti-unti.

“France, naman… Ipagpalagay na nating buhay si Weldy..? Pero hindi dahilan ’yon para bumalik kami sa dati… Maniwala ka… Matagal ko na siyang kinalimutan… Hindi na niya magagawa pang baguhin ang kasalukuyan ko ngayon… Sa dami ng pinagdaanan natin, hindi na niya magagawa pang tumbasan ang mga alaalang mayroon tayo… Wala kang dapat na ikatakot, France… Mahal kita… Mahal ka rin ng mga bata… Hindi mo kami dapat pagdudahan…”

Dapat ba akong maniwala? Dapat ko bang isipin na ang pagsasama namin ng halos dalawang taon ay kayang lampasan ang mga alaalang mayroon sila ni Weldy?

Dahan-dahang binitiwan ni Oliver ang mga magasin upang ibalik ito sa mesa. Kasunod nito ay muli niyang inabot nang marahan ang aking mga kamay.

“France, kung sakali ngang buhay siya, sinisiguro ko sa ’yo, wala na akong nararamdaman para sa kanya… At kung mayroon man, siguro, galit na lang ’yon dahil sa matagal niyang pagkawala… Iniwan niya ako… Iniwan niya kami ng mga bata… Anong karapatan niya para bumalik at bawiin kami..? Wala… Dahil kung talagang may malasakit siya sa amin, matagal na sana siyang nagpakita…” muli niyang pagkumbinsi sa akin habang hawak ang mga kamay ko.

Nakikita ko ang sinseridad sa bawat salitang binitiwan ni Oliver. Maging ang mga mata niyang hindi makabitiw sa akin ay hindi makakapagsinungaling. Pero kahit anong pilit kong makumbinsi, mas nangingibabaw ang takot kong magbabago pa ang kanyang isip.

Muli akong umiling nang maraming beses. Naging malikot din ang aking mga mata habang ang senaryong inabandona nila akong lahat ang tumatakbo sa aking isipan.

“H-hindi…” naguguluhan kong sambit. “Iiwan n’yo rin akong lahat… Pababalikin n’yo rin ako kung saan ako nagmula… Babawiin n’yo rin sa akin ang mga bagay na pansamantala n’yo lang na pinahiram… Mawawalan na naman ako ng pamilya dahil kayo ni Weldy ang dapat na magsama…” mahaba ko pang dugtong sa pagitan ng aking pagluha. Sinasabayan ko rin ito ng pagpupumiglas.

“France ––”

“Tama na!!” pag-awat ko na sa kanya. “Hindi ko na hihintayin pang mangyari ’yon, Oliver! Ayaw kong dumating pa sa puntong pagtatawanan ninyo akong lahat!” sigaw ko pa rito.

Hindi ko na alam kung ano ang ginagawa ko. Sa sobrang gulo ng aking isip ay bigla na lamang akong tumakbo palabas ng bahay dala sa dibdib ang labis na takot.

“France!!”

“France, saan ka pupunta?!”

“Bumalik ka!!”

“France!”

Naririnig ko ang mga pagtawag ni Oliver, ngunit nagpadala ako sa utos ng aking mga paa upang makalabas smula sa kanyang tahanan.

Natatakot ako.

Ayaw kong dumating ang araw na maiwan akong walang kasama. Ayaw kong maulit na naman ang kinatatakutan ko simula pa pagkabata.

Hindi naman kasi ako ganoon katanga. Alam kong simula pa noon, marami na sa akin ang kumukutya. Marami na akong dinanas na panghahamak dahil sa pagiging mangmang. Pero dahil laging nasa tabi ko noom si Sister Martina, nagagawa ko iyon idaan sa panalangin at ipagkibit-balikat na lang.

Pero ngayong walang Sister Martina na sa akin ay gagabay, wala rin akong ibang maaasahan. Wala akong ibang magiging kakampi kaya kailangan kong magpakatatag. Hinding-hindi ako papayag na mapagtawanan na naman. Hinding-hindi ko hahayaan na maiiwan akong nag-iisa at habang luhaan.

Sa kailaliman ng gabi ay patuloy lang akong tumatakbo sa kalsada. Iilan lamang ang bukas na ilaw na siyang nagbibigay liwanag.

Habang patuloy ako sa pagtakbo, hindi ko maiwasang ihalintulad ang aking sarili sa aking dinadaanan. Madilim ang kapaligiran tulad ng aking pamumuhay. Ang mga ilaw naman ang siyang sumasalamin sa panandalian kong kasiyahan. Iyon din ang mga ilaw na sa oras na sila ay aking malampasan, magbabalik na naman ako sa madilim na daan.

Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng aking mga luha. Ramdam ko rin ang paninikip ng aking dibdib kaya nahihirapan akong huminga. Pero wala akong balak tumigil. Wala akong balak na magpahinga. Ang tanging nais ko lamang ngayon ay ang makalayo mula sa masakit na katotohanan.

Habang tinatahak ko ang daan palabas nitong lugar kung saan nakatira sina Oliver, isang imahe na naman ang nagpakita sa aking isipan.

“France… Parang awa mo na… Nahihirapan na rin ako…”

“Mahal kita dahil kapatid kita… Pero paano naman ako..?”

“Nagmamakaawa ako… Ibalik mo na sa akin ang pamilya ko…”

Ang eksaktong reaksyon ni Weldy noong una at huli kaming magkita ay nakikita ko na naman. Ang lungkot at pagsisisi sa kanyang mga mata na animo’y matagal na niyang pinagdurusahan ay muli ko na namang nasilayan. Ang pananabik sa kanyang pamilya na mayakap at sila ay mahagkan ay mas nagiging malinaw. Lahat ng iyon ay malinaw kong nakikita sa aking isipan.

Habang patuloy ako sa pagtakbo, isang bagay pa ang nakumpirma ko.

Hindi lang basta takot ang nararamdaman ko dahil mawawalan ako ng isang pamilya. Ang bagay na gumugulo pa sa aking kalooban ay dahil sa ako ay labis na nakokonsensiya.

Kinakain ako ng aking konsensiya dahil sa pakikihati ko sa mga pag-aari ng aking kakambal.


A/N

Dito na magsisimula ang gulatan. Ito na rin ang tunay na simula ng drama sa buhay ng magkakambal.

Ang chapter na ito ay para kay

HeartHarl101

. Kindly visit his profile na rin po to check his stories.

Maraming salamat sa mga patuloy na sumusubaybay nitong kuwento. Salamat sa mga boto lalong-lalo na sa inyong mga komento. Labyu, guys!

Hanggang sa susunod po!

–– cold_deee❤

10.21.2018

Chapter 31

(A/N: Maaari n’yong i-play ang nasa media habang nagbabasa nitong buong chapter. Ganito rin ang song na puwede n’yong pakinggan sa susunod na kabanata.

Song title: There You’ll Be - By: Faith Hill

)

  ![](https://img.wattpad.com/4f0bd8b0e8cc498938c0700001fd234567090493/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f4e545f4759444e4b335879782d773d3d2d3439363030333435362e313536333564303538636362326266663432363535373536333633372e6a7067)

FRANCE POV

Malayo ang tingin ngunit dilim lamang ang tinatanaw. Nakaupo sa silyang nasa tapat ng isang kilalang tindahan. Hindi magawang makapagsalita at hindi makagalaw sa kabila ng ilang beses na pagtatanong sa akin ng guwardiyang dito ay nagbabantay. Hindi alintana kung pinagtitinginan na ngayon ng mga taong ako ay nadadaanan. Hinahayaan ko ang mga luhang patuloy na naglalandas mula sa aking mga mata. Sa ganitong sitwasyon ako naiwan matapos ang naging pagtatalo namin ni Oliver.

Dito sa isang malaking tindahan na katabi ng gasolinahan ako dinala ng aking mga paa mula sa mahabang pagtakbo. Ilang oras na ang nakakalipas mula nang pinili kong tumakas, ngunit hanggang ngayon ay magulo pa rin ang aking isipan. May kalamigan ang dala ng hangin ngayong gabi, ngunit mas nakapapaso ang damdaming sumisidhi. Takot, pangamba at lungkot ang sa akin ay patuloy na namamayani.

“Sir, pasensiya na po. Ayos lang ba talaga kayo? Gusto n’yo po ba ng tulong? Nawawala po ba kayo?”

Hindi ko magawang lingunin ang taong nagtanong sa akin. Gustuhin ko man na siya ay sagutin, ngunit tila ang dila ko ay tuluyan nang namanhid.

Isang paghikbi na lamang ang aking naitugon. Kasunod nito ay muli akong napayuko.

Ngayong ako ay nag-iisa at walang kasama, lalo kong napatutunayan sa aking sarili na ayaw kong mawala ang pamilyang sa akin ay umaruga. Mas lalo akong nakakaramdam ng takot sa muli kong pagbabalik kung saan ako nagmula.

Sina Oliver, Kryz at Marl, ayaw kong mawalay sa kanila. Hindi ko kaya. Sila na ang itinuturing kong malaking bahagi ng aking pagkatao. At kung sila ay magpapaalam, sigurado akong ikamamatay ko rin ito.

Sa bawat minutong sila ang laman ng isip ko, nagbabalik din sa akin ang mga sandali kung paano kami nagsimulang magkita ng mga ito.

Isang pagkakamali ang aming naging simula, ngunit nauwi ang pagkakamaling iyon sa katuparan ng aking mga pangarap.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang eksaktong reaksyon ng dalawang bata nang imulat ko noon ang aking mga mata matapos ang aking malagim na aksidente. Simula noon, sa bawat araw na ibinibigay ng Diyos, ang mga ngiti nilang una kong nasilayan ang nais kong masilayan nang paulit-ulit. At ngayong dumating na ang taong tunay na sa kanila ay nagmamay-ari, may pag-asa pa bang makita kong muli ang kanilang mga ngiti?

Si Oliver — ang taong noong umpisa ay hindi man lang ako magawang tingnan nang tuwid; Ang taong naglagay sa akin noong una sa alanganin; Ang taong nagawang baguhin ang aking puso at isip; Ang taong sa kalaunan ay nagawa kong ibigin dahil ipinaramdam din niya sa akin kung ano ang pakiramdam ng minamahal pabalik; Ang taong unang nagbigay sa akin ng yakap at halik; Mararamdaman ko pa kaya ulit ang mga iyon ngayong ang una niyang inibig ay nagbalik?

Ang mga sandaling masaya kaming nagsasalo-salo; Ang mga pagkakataon na magkakasama kaming tumatawa dahil sa kakatwang tagpo; Magagawa pa ba namin ulit ang mga iyon?

Ewan ko. Hindi ko alam ang sagot. At kahit alam ko ang mga posibleng mangyari, nais ko na lamang magpanggap na bingi at bulag sa oras mga ito. Gusto ko na lamang din maging manhid ang aking buong katawan para lang makaiwas sa takot.

Litong-lito na ako. Nagtatalo ang isip at puso ko. Naiipit ako sa sitwasyon namin ng kapatid ko. Kailangan ko bang magparaya para sa kanya? O dapat ko bang isipin ang aking pansariling kapakanan?

“France…”

Natigilan ako sa mahabang pag-iisip dahil sa pagtawag na iyon sa aking pangalan.

Nasa kanyang tono ang labis na pag-aalala. Nagbitiw pa siya ng buntong-hininga katunayan na nakahinga na siya nang maluwag mula sa mahabang paghahanap.

Gusto kong tanungin kung paano niya ako natagpuan, ngunit hindi ko magawang iangat ang aking ulo para siya ay tingalain at tingnan.

“Kanina ka pa namin hinahanap…” muli niya sa aking pakikipag-usap.

Sa halip na sa kanya ay magpasalamat dahil sa oras na kanyang ginugol para ako ay mahanap, mas lalo lamang akong lumuha.

Ilang segundo pa ay ipinatong niya sa aking balikat ang isang jacket.

“Isuot mo ’to… Alam kong nilalamig ka na… Bibili lang ako ng tubig sa loob… Baka matuyuan ka na niyan sa kaiiyak mo…” wika pa nito sa mahinahong tono.

Hindi na ako nag-abala pang sagutin siya. Hanggang sa makaalis siya upang magtungo sa loob ng tindahan ay nanatili lang akong walang kibo.

May ilang minuto pa akong naghintay hanggang sa makabalik siya. Umupo siya sa aking tabi at ibinigay sa akin ang isang bote ng tubig na siya pa ang nag-abalang magbukas.

Marami pa rin ang gumugulo sa aking isip, ngunit may isang bagay akong nais na sa kanya ay tanungin.

“B-bakit..?” tanong ko sa kanyang humihikbi.

Ramdam kong nabigla siya sa aking katanungan. Alam kong bahagya siyang naguluhan.

“Anong ibig mong sabihing ‘bakit?’, France? Hindi ko main––”

“Bakit tuwing wala akong kasama, ikaw ang taong unang laging nagpapakita..?” pagputol ko sa kanya. Sa pagkakataong ito ay nagawa ko na rin siyang lingunin upang tingnan nang tuwid sa mga mata. “Ha, Kuya Michael..? Bakit kahit hindi kita tinatawag, lagi kang dumadating..?” dugtong ko pang pagtatanong sa kanya.

Saglit siyang natigilan. Marahil ay nag-isip ng kanyang idadahilan.

“Dahil kapatid kita,” sagot niyang seryoso.

“Hindi tayo magkapatid. Alam mo ’yan. Hindi ako ang kapatid mo kundi si Weld—”

“Dahil mahalaga ka na sa akin.” may diin niyang pagputol sa akin. “Sapat na bang dahilan ’yon, France, para tuwing mawawala ka, paulit-ulit din kitang hahanapin?” sunod pa niyang pagtatanong.

Sa pagkakataong ito ay ako naman ang natigilan. Ang tanging nagawa ko lamang ay ang titigan ang mukha ni Kuya Michael na seryoso ang ipinapakita.

Pinag-aralan kong mabuti ang suot niyang ekspresyon ngayon. Hindi siya makabitiw sa pagkakatitig tanda ng senseridad sa kanyang sinabi. At sa bawat segundong pumapatak ay mas lalo niya lamang pinatutunayan na ang mga binitiwan niyang salita ay purong katotohanan.

Sa huli, ako ang bumitiw sa pagkakatitig namin. Sinikap kong punasan ang aking mga luha gamit ang aking suot na damit. Ibinaling ko rin sa ibang bahagi ng lugar ang aking mga paningin.

“P-paano mo ako nahanap, Kuya..?” tanong ko sa kanya matapos ang aking pagbuntong-hininga.

“Dahil kahit nakapatay ang cellphone mo, nakalimutan mo naman i-off ang GPS mo.” kaswal lang nitong sagot.

Hinawakan ko ang aking cellphone sa bulsa. Tama siya, nakapatay nga ito dahil naubusan ng baterya kanina.

Mabilis kong nilingon si Kuya Michael.

“GPS?” tanong kong puno ng pagtataka.

Bahagya siyang natawa sa katanungan kong iyon. Kasunod nito ay ipinatong niya ang kanyang palad sa aking ulo para kusutin ang buhok ko.

“Next time ko na ipapaliwanag ’yon sa ’yo. Sa ngayon, umuwi muna tayo. Hindi ka puwedeng tumambay rito. Baka i-report ka na sa pulis ng mga staff ng convenience store na ’to?” pagyaya na nito ngayon sa akin.

Hindi ko alam kung paano ko sa kanya ipapaliwanag ang nangyari. Hindi ko sa kanya masabi na nagkaroon kami ng pagtatalo ni Oliver.

Napansin siguro ni Kuya Michael ang aking pananahimik kaya nagsalita siyang muli.

“Uuwi tayo sa bahay ko. Ipinagpaalam na rin kita kay Oliver na sa akin ka muna tutuloy. Alam ko kasing ayaw mo munang umuwi sa bahay n’yo ngayon. “ pagbibigay nito nga impormasyon.

Bahagya akong nagulat sa sinabi niyang iyon. Naitatanong ko rin sa aking sarili kung paano nagkaroon ng ideya si Kuya Michael sa nangyayari sa amin ngayon ni Oliver.

“France, tumawag sa akin kanina si Oliver. Ikinuwento niya sa akin ang naging pagtatalo n’yo. Hindi niya naman nasabi kung ano ang puno’t dulo ng away ninyo, pero halos mabaliw na siya sa kahahanap sa ’yo. At sa sobrang taranta niya, nawala na sa isip niyang puwede ka niyang ma-locate gamit ang cellphone niya. Kaya noong nakita kita, tinawagan ko rin agad siya. Sinabi kong sa akin ka muna niya ipagkatiwala para makapag-isip ka at makapagpahinga.” malumanay nitong paliwanag.

May ibang bahagi man akong hindi naintindihan, isang bagay naman ang sa akin ay naging malinaw — may takot si Oliver na mawala ako.

Gusto kong makaramdam ng saya, ngunit hindi maalis sa akin ang pagkabahala dahil sa mga nagaganap. Ngayong naririto na si Weldy, mas malaking suliranin na ang kailangan naming harapin.

“K-kuya…” nanginginig pa ang aking boses na pagtawag kay Kuya Michael. “Natatakot kasi ako…” paglalabas ko ng saloobin dito.

Ngumiti nang may lungkot si Kuya Michael.

“Sa bahay na natin pag-usapan ’yan, France,” mahinahon nitong pagtutol. “Makikinig ako kahit umagahin pa tayo. Sinabi ko naman sa ’yo dati, ’di ba? Ituring mo na rin akong kapatid na puwede mong mapagsabihan ng problema. Tutulungan kita sa abot ng makakaya ko dahil hindi ka na iba. Hindi ka na ibang tao sa buhay ko, France. Naiintindihan mo?” mahaba pa nitong dugtong.

Unti-unti akong nakapagbitiw ng mapait na ngiti. Naisip ko, baka ito na rin naman ang huli. Walang kaide-ideya si Kuya Michael na ang kinagisnan niyang kapatid ay buhay pa. At sa oras na malaman niya ito, mawawala na rin ang kanyang interes na ituring akong isang kapatid. Dahil tulad nina Oliver at ng mga bata, sa oras na malaman nilang nagbalik na si Weldy, muli niya rin itong yayakapin at kalilimutan ang mga pinagsamahan namin.

Sa maikling minuto na naghihintay si Kuya Michael ng reaksyon mula sa akin, natagpuan ko na lamang aking sarili na marahang tumatango. Iyon ang ibinigay ko sa kanyang kasagutan bilang paanyaya sa bahay nito.

Sakay ng kanyang kotse ay katahimikan ang bumalot sa amin. Alam kong paminsan-minsan niya akong nililingon, ngunit ang aking mga mata ay nanatiling sa unahan nakatuon. Malalim pa rin ang aking iniisip na walang ibang laman kundi ang dalawang bata at si Oliver. Mga masasayang alaala magmula nang manatili ako sa kanila. Ngunit sa kalagitnaan din ng pag-alala ko sa mga iyon ay ang pagsulpot ng imahe ng aking kakambal na si Weldy. Dahil doon ay bumabalik ako sa pagluhang muli.

Gulong-gulo na talaga ako. Gusto kong maging makasarili kahit man lang isang beses. Sa buong buhay ko, inilaan ko ang aking sarili para sa kapakanan ng ibang tao. Sinisiguro kong kahit hindi pumapabor sa akin ang pagkakataon, ngingiti pa rin ako. Dahil ang nakagisnan kong pangaral ay maging masaya para sa tagumpay at kaligayahan ng ibang tao.

Pero ngayong dumating ang matagal ko nang ipinagdarasal, handa ba akong muling magbigay? Hanggang kailan ba ako dapat na manood lang sa ngiti ng iba? Hanggang kailan ako dapat na maging masaya para sa kanila?

Ngayon ay napapatanong ako sa aking sarili — isinilang ba talaga ako para lang bigyang katuparan ang kasiyahan ng ibang tao? Naririto lang ba ako para maging reserba buong buhay ko? Reserbang magulang para sa mga batang nasa ampunan; Reserbang kapatid para kay Kuya Michael; Reserbang ama para kina Kryz at Marl; At reserbang asawa para kay Oliver.

Sa dami ng katanungan sa aking isip, kahit isa sa mga iyon ay wala akong nakuhang sagot. Pilitin ko man ang maging positibo, sa huli ay alam kong ako pa rin ang talo.

Nakarating kami sa bahay ni Kuya Michael at nanatili siyang nakaalalay. Akbay niya ako at paulit-ulit na tinatapik ang aking balikat sa pagbabaka sakaling gumaan ang aking pakiramdam.

Tahimik ang napakalaki niyang bahay tulad ng aking inaasahan. Bukod sa lumipas na ang hating-gabi, nag-iisa lang naman siya ritong naninirahan.

Sa malapad at malaki niyang sofa sa sala ay iginaya niya akong makaupo. Siniguro rin niyang malinaw na mapapakinggan ang aking sasabihin dahil umupo ito sa tabi ko.

“Tahan na, France…” pakiusap nito at hinaplos nang marahan ang likod ko. “C’mon, sabihin mo sa akin ang problema mo… Baka sa ganoong paraan, gumaan ang pakiramdam mo…” dugtong pa nito.

Hindi ako sigurado kung makakatulong ang bagay na kanyang sinasabi. Bukod sa ito ang kauna-unahang pagkakataon na magiging bukas ako para sa iba, kabilang siya sa mga taong maaapektuhan sa oras na ipagtapat ko ang lahat.

Matagal akong walang imik. Nakayuko lamang ako habang humihikbi. Pilit na pinalalakas ang aking loob sa kabila ng mga posibleng mangyari.

Nang makaipon ako ng sapat na tapang ay tiningnan ko nang diretso si Kuya Michael. Sa huli, napagdesisyunan kong hindi na ito sarilinin. Napag-isip-isip ko, naipagtapat ko na rin naman ang lahat kay Oliver kaya’t hindi na malayong mangyari na malaman din ito ni Kuya Michael.

“K-kuya…” pagtawag kong humihikbi sa kanya. “N-natatakot ako…” pagpapatuloy ko.

Kalmado lamang ang ekspresyong ipinapakita ni Kuya Michael. Nagawa pa nitong ngumiti nang tipid. Marahil ay ginawa niya iyon para mapakalma ako kahit kaunti.

“Natatakot saan, France? C’mon, tell me…” malumanay pa nitong utos sa akin.

Patuloy pa rin sa paglandas ng aking mga luha nang simulan ko ang pagsisiwalat.

“N-natatakot akong maiwan… Natatakot akong mag-isa… Natatakot akong bumalik sa simula… N-natatakot akong… Natatakot akong bawiin na niya sa akin ang lahat… Natatakot ako dahil alam kong wala akong karapatam… Takot na takot ako dahil alam kong wala naman akong laban…” sunod-sunod ko nang pagbubunyag. Kasunod nito ay ang paghagulgol ko sa kanyang harap.

Marahang hinaplos ni Kuya Michael ang aking balikat. Kung kanina ay sinusubukan niyang ngumiti kahit paano, ngayon ay gumuhit na ang awa sa ekspresyon nito.

“K-kuya, ngayon lang ako naging masaya tulad nito… A-akala ko… Akala ko, permanente na… Akala ko, tapos na ang paghihintay ko… Akala ko, matatahimik na ako… Akala ko, magtutuloy-tuloy na ang kasiyahan ko… Pero, mali pala ako… K-kasi… Kasi bumalik na siya para bawiin ang lahat ng mayroon ako…” nanginginig ang boses ko pang pagpapatuloy.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Kuya Michael.

“Sino, France? Sinong babalik para bawiin ang mayroon ka ngayon?” tanong niyang mahinahon.

Parang may nakabarang bagay sa aking lalamunan, ngunit kahit ganoon, ginawa ko ang lahat para sabihin iyon sa kanya.

“S-si Weldy, Kuya…” sagot ko rito. “Si Weldy na kakambal ko… Si Weldy na kapatid mo… Si Weldy na tunay na ama nina Marl at Kryz… At si Weldy na asawa ni Oliver… Bumalik siya para bawiin ang mga ipinahiram niya sa akin… Bumalik siya para balikan ang mga iniwan niya…” pagkumpirma ko pa at mas naging malakas na rin ang aking pag-iyak.

Inihanda ko na ang aking sarili sa mangyayari kung sakali. Alam kong hindi niya ito aasahan, ngunit huli na para ito ay bawiin ko pa sa kanya.

Naghintay ako sa kanyang magiging reaksyon, ngunit makalipas ang ilang sandali ay walang nagbago sa ipinapakita niyang emosyon.

“Magkuwento ka lang, France… Makikinig lang ako…” kalmado pa rin ngunit maluha-luha ang kanyang mga matang utos. Inangat niya rin ang kanyang isang palad para pahirin ang mga luha ko.

Sa mga oras na ito, sa tingin ko ay iniisip na niyang nasisiraan na ako ng ulo. Magkaiba sila ng ipinakitang reaksyon ni Oliver, ngunit kahit ganoon, alam kong pareho lang silang hindi naniniwala sa aking naging rebelasyon.

Siguro, magkaiba lang talaga sila ng pamamaraan ni Oliver kung paano ako mapapakalma. Pero sa ipinapakita sa akin ngayon ni Kuya Michael, malaking tulong ito para mas madagdagan ang aking tapang na ipagpatuloy ang pagsasalita.

“N-nagkita na kami ng kakambal ko, Kuya Michael… At noong mga oras na ’yon, doon na rin ako nagsimulang makaramdam ng takot…”

Tumango naman siya bilang pag-intindi.

“Kuya, alam ko naman na wala akong karapatang angkinin ang hindi akin… Pero napamahal na silang lahat sa akin… Sa buong buhay ko, ngayon ko lang naranasan ang maging kompleto… Simula nang dumating sila, kahit minsan, hindi na ako nanlimos ng atensyon mula sa iba… Kasi… K-kasi… Kasi sa wakas, naramdaman kong hindi na ako nag-iisa… May pamilya na rin ako sa wakas… Pinaramdam nila sa akin na mayroon pa pala akong halaga… Araw-araw, pinaparamdam nila sa akin kung paano ang mahalin pabalik…”

Tulad kanina, tanging pagtango lang ang kanyang naitugon.

“P-pero ngayong nandito na si Weldy, sa tingin ko… Sa tingin ko, kailangan ko na rin gumising… Kailangan ko nang tanggapin na ipinahiram lang sila sa akin… Kailangan kong isiksik sa aking isip kung ano ang malaking kaibahan ng pangarap at panaginip… Kayo nina Oliver at ng mga bata, nasa bahagi lang kayo ng magandang panaginip ko… Pero sa oras na maimulat ko na ang mga mata ko, kayo rin ang katibayan na hanggang pangarap na lang talaga ako… K-kasi… Kasi, ipinanganak talaga ako na maging ganito… Hindi ako kasing palad ng kakambal ko… At kahit kailan, hinding-hindi na ako papalarin na makatagpo ng tulad ninyo… Hindi rin ako karapat-dapat na mapabilang sa inyo dahil malayong-malayo kayo sa tulad ko…” mahaba ko pang salaysay at napayuko na lamang ako sa aking mga brasong nakapatong sa mga tuhod ko.

Halos hindi ko na maiayos ang pagsasalita. Nanginginig ang aking boses gayo’n din ang buo kong katawan. Hindi ko na nga alam kung naiintindihan pa ba ni Kuya Michael ang aking mga ipinagtapat. Pero sa mga oras na ito, ang aking saloobin ang nais kong mailabas.

Nagpatuloy na lamang ako sa pag-iyak. Ito lang naman ang aking magagawa dahil wala rin naman akong makakapitan. Si Oliver na dating naririyan para maging aking sandigan, siya na rin ang dahilan kung bakit ako ngayon naiwang nanghihina ang buong katawan.

Sa mga nakalipas na minuto pa ay hinayaan lamang ako ni Kuya Michael na ilabas ang tunay kong nararamdaman. Ngunit kahit ganoon, kahit isang segundo ay hindi siya umalis sa aking tabi. Naririto lamang siya para ako ay lubos na unawain.

Matapos ang may kahabaang minuto na nasa ganoon lamang kaming posisyon, nagawa na rin niya sa wakas ang makapagbigay ng reaksyon.

“France, may gusto sana akong itanong sa ’yo,” panimula niya sa nakikiusap na tono. Dahil sa nakayuko pa rin ako at patuloy na lumuluha ay hindi ko makita ang mukha nito. “A-ano ba ang… Ano ba ang dahilan kung bakit ka napadpad dito? Ano ba ang rason kung bakit kailangan mong maglakbay nang malayo para lang makarating dito?” sunod-sunod na nitong tanong.

Natigilan ako sa bagay na kanyang nabanggit. Ang mga iyak ko kaninang napakalakas ay unti-unti na ring napalitan ng paghikbi. Bahagya ko rin na naiangat ang aking mukha habang malalim ang iniisip.

Dahilan? Rason? Bakit nga ba ako naririto?

“France, ’di ba, nagtungo ka rito para hanapin ang kakambal mo? Sumugal ka para magkita kayo?” pagsagot na ni Kuya Michael sa katanungan namin nito.

Muli ay hindi ako nakakibo. Dahil sa mga sinabi ni Kuya Michael ay unti-unting nagkakaroon ng pagbabago sa nararamdaman ko.

Tama si Kuya Michael. Ang dahilan naman talaga ng pagpunta ko rito sa Maynila ay para sa isang kamag-anak. Ang rason kung bakit ako nagsumikap ditong makarating ay para sa kalinga ng isang tunay na kadugo at pamilya. Naririto ako para makapiling ang natitirang tao na karugtong ng aking buhay.

Natulala na lamang ako at lalo nang hindi nakapagsalita. Naikagat ko ang aking ibabang labi dahil sa reyalisasyon. Nakaramdam ako ng pagsisisi dahil pakiramdam ko ay tinalikuran ko ang aking tunay na minimithi.

Dahil sa aking pananahimik, ginamit ni Kuya Michael ang pagkakataon upang ipagpatuloy ang kanyang pagpapaintindi.

“Kung sinasabi mong nagkita na nga kayo ni Weldy pero hindi naman pumapabor sa ’yo ang pagkakataon, nawala na rin ba ang interes mo para makasama ang nag-iisang kapatid mo? Handa ka bang talikuran siya alang-alang sa kagustuhan at pansariling kaligayahan mo?”

Isang paghagulgol ang naitugon ko kay Kuya Michael. Muli kong inalala ang lahat ng pinagdaanan naming magkakambal na si Weldy. Kung paano kaming pareho na nananabik na magkita muli. Nagbalik din sa aking isip ang lahat ng hirap at sakripisyo namin para lang mahawakan ang isa’t isa. Ang lahat ng luha at pasakit na aming tiniis para lang magkasama na kaming dalawa.

“France, hindi ko sinasabing mali ka. Wala kang kasalanan dahil isa ka lang din naman biktima. Pero kung sa tingin mo, ikaw lang ang nahihirapan sa sitwasyong ito, nagkakamali ka. Dahil pareho kayo ni Weldy. Pareho kayo ngayon ng kakambal mo na nasasaktan. Wala naman kayong hinangad kundi ang magkita lang, pero napunta kayo sa isang sitwasyon na mahirap takasan.”

Tuluyan na akong naliwanagan. Sa mga naging paliwanag ni Kuya Michael, tuluyan na akong bumigay.

Pakiramdam ko ay naging napakasama ko. Naging makasarili ako. Hindi ko inisip na may isang taong matagal akong inasam na makasama, pero heto ako, kulang na lamang ay ipagtulakan siya palayo.

Matagal akong walang kibo, ngunit makalipas ang mahabang minutong pag-iisip, unti-unti ay nilingon ko na rin si Kuya Michael habang ang aking mga luha ay dumadaloy pa rin.

“K-kuya…” humahagulgol kong pagtawag sa kanya. Pagtawag na may pagdadalamhati at pagmamakaawa. Pagtawag na may pagtangis at pagsaklolo na kailangan ko ng isang kalinga.

Nasaksihan ko kung paano dumaloy ay kanina niya pang pinipigilang mga luha. At mula roon ay nagbitiw siya ng tipid na ngiti na puno ng pang-unawa.

Wala nang nagsalita pa sa amin, nasundan ang aming mga pagluha ng isang yakap mula sa isang kapatid.

“Tahan na, France… Wala kang kasalanan, okay..? Nagmahal ka lang… Hindi mo naman ginusto na mapunta sa ganito kagulong sitwasyon… Biktima ka lang din kaya ’wag na ’wag mong sisisihin ang sarili mo… Maniwala ka, makakahanap tayo ng solusyon… Tutulungan kita… Tutulungan ka naming lahat… Hindi ka namin basta-basta pababayaan lang…” pilit na pinapatatag ang boses ni Kuya Michael na pagpapaintindi sa akin. Hinahaplos niya rin ang aking likod upang ipadama ang malaking pagmamalasakit.

Kahit pa pilit niya akong kinukumbinsi, tuluyan nang nagkaroon ng pagbabago ang aking isip. Nagkaroon na ng linaw at kasagutan ang mga bumabagabag sa akin.

Dahil sa reyalisasyon ay isang desisyon din ang sa akin ay nabuo. Isang bagay ang aking naisip na siyang muling magpapabago at magpapabalik kung saan talaga nararapat ang isang tulad ko.

Naging matindi ang pagkapit ko sa damit ni Kuya Michael. Sa pamamagitan ng mahigpit kong pagyakap sa kanya, dito ko inilabas ang nararamdaman kong maagang pangungulila.

Ilang minuto kong sinulit ang yakap ng isang nakatatandang kapatid. At nang tuluyan na akong nakaipon ng lakas ng loob, unti-unti ay bumitiw na rin ako.

Sinalubong pa rin ako ng malulungkot na ngiti ni Kuya Michael.

“Ano na ngayon ang balak mo, France..?” tanong nito.

Panibagong pagpatak na naman ng aking mga luha ang naramdaman ko bago nagawang sagutin iyon.

“K-kuya…” pagtawag kong humihikbi sa kanya. “G-gusto ko siyang makita… Gusto kong makita ulit si Weldy… Gusto kong makasama ang nag-iisang tao na dahilan kung bakit ako naririto… Gusto ko ulit siyang mayakap… Gusto ko ulit siyang makausap para humingi sa kanya ng kapatawaran… Gusto ko ulit siyang makasama kahit saglit lang…” panimula kong pagtatapat.

Pinunasan muli ni Kuya Michael ang aking mga luha. At bago ako magpatuloy, isang malalim na buntong-hininga muna ang aking pinakawalan.

“B-babalik na lang ako kung saan ako nagmula… Dahil kung naririto ako, magiging magulo lang lalo ang lahat… Tutal naman… Tutal naman, naranasan ko kahit paano ang magkapamilya… S-siguro naman… Siguro naman, sapat na ’yon… Naging masaya naman ako kahit sa sandaling panahon… Hindi na siguro ako dapat na maghangad ng higit pa roon…” tuluyan ko nang pagbubunyag sa aking nabuong desisyon.

Ito ang tamang desisyon na naisip ko. Sa maraming beses sa buhay ko, magpaparaya ako para sa kapakanan ng ibang tao. At hindi lamang basta ibang tao, gagawin ko ito para sa nag-iisa at natitira kong kadugo.

Hindi nagpakita ng pagkagulat si Kuya Michael. Isang tipid na ngiti na naman ang kanyang binitiwan bago pinahid ang aking mga luha.

“France,” malambing nitong pagtawag sa aking pangalan. “Sa tingin ko, hindi lang ikaw ang dapat na magdesisyon dito,” wika nito na siyang ipinagtaka ko.

“A-anong ibig mong sabihin..?” tanong kong nauutal habang patuloy sa paghikbi.

Hindi agad ako sinagot ni Kuya Michael. Mula sa pagkakatingin nang tuwid sa akin, ibinaling niya sa aking bandang likuran ang kanyang mga paningin.

“France, sa tingin ko, kayong dalawa ng taong ’yan ang dapat na mag-usap tungkol dito. Higit kanino man, kayong dalawa ang dapat na bumuo ng isang malaking desisyon sa buhay ninyo.” buo ang loob na pagsasalita ni Kuya Michael habang may tinatanaw mula sa likurang bahagi ng kinauupuan ko.

Hindi ko maipaliwanag sa aking sarili, ngunit kahit hindi ko pa nasisilayan ang imahe ng taong tinutukoy ni Kuya Michael mula sa aking likod, may bahagi ng aking katawan ang tila ba nabuhayan. Bumilis ang pagtibok ng aking puso. Pakiramdam ko rin ay rumaragasa ngayon sa pagdaloy ang aking dugo.

Sa kabila ng naestatwa kong katawan ay sinikap kong igalaw ito. Dahan-dahan ay kumilos ako para harapin ang taong tinutukoy ni Kuya Michael mula sa likod ko.

Mula sa mga paa ng taong nakatayo na ilang metro lamang ang layo mula sa aming pwesto, unti-unti kong inangat ang mga paningin ko.

Sinalubong ako ng isang kawangis ko.

Ang pigura niyang walang pagkakaiba sa katawan ko.

Ang maputi niyang balat na katulad din ng kulay ko.

Ang labi niyang mapupula na tulad din ng labi ko.

At nang magtagpo ang aming mga paningin, sinalubong din ako ng katulad ng aking mga mata ay lumuluha rin sa mga oras na ito.

“W-weldy…” nauutal kong pagtawag dito.

Nasaksihan ko kung paano sa kanya sumilay ang napakalawak na ngiti nang tawagin ko ang kanyang pangalan.

“France…” humihikbi niyang pagtawag sa akin.

Wala nang namutawi pang mga salita mula sa aming dalawa matapos iyon.

Tila ba naging mabagal din ang pagtakbo ng oras nang simulang niyang ihakbang ang kanyang mga paa para tunguhin ang aking pwesto.

Ang sumunod naman na nangyari ay tumayo ako mula sa pagkakaupo para salubungin ng mahigpit na yakap ang karugtong ng buhay ko.

Isang yakap na nakakapanghina.

Isang yakap na matagal naming inasam at kinasasabikang maramdaman.

Isang yakap na puno ng pangungulila mula sa isang kadugong matagal naming hinanap.

At isang yakap na may nag-uumapaw na pagmamahal para sa isang kapatid at kakambal.


A/N

Maraming salamat sa mga hindi bumitiw. ’Yan lang ang nais kong sabihin.

Para sa iyo ito,

Dhongparts

! Natuwa ako sa pa-Jollibee mo! Ginutom ako! Char! Salamat sa support sa kwentong ito, dear. ❤

Hanggang sa susunod po ulit! Maraming salamat po sa mga bumoboto, nagkokomento at sa mga hindi bumitiw kahit minsan sa kuwentong ito. Labyu!

–– cold_deee ❤

11.02.2018

Chapter 32

(A/N: Puwede n’yo pong i-play ang nasa media kung inyong nais. Puwede rin naman ang song na nasa chapter 31. Kayo po ang bahala. Hahaha!

Song title: When You Believe - By: Mariah Carey and the late Whitney Houston

)

  ![](https://img.wattpad.com/ce332eacfc1328d869439ea93a45b0e39538a601/68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f68595751362d67675271543259673d3d2d3439383936323934392e313536353438353565333163613030373530353731303332373434312e6a7067)

FRANCE POV

Habang nakaupo kami sa malambot na sofa dito pa rin sa bahay ni Kuya Michael ay hindi maputol ang pagkakatitig namin sa isa’t isa. Pareho naming tinitingnan ang bawat isa nang may pagkamangha. Bagama’t kami ay lumuluha, hindi naman maalis ang ngiti sa labi naming dalawa.

Hanggang ngayon ay parang hindi pa rin kami makapaniwalang tuluyan na kaming nagkaharap. Malaya na naming naililibot ang aming mga mata sa isa’t isang kabuuan. Tila ba wala na rin ang makapaghihiwalay sa aming mga kamay na mahigpit ang pagkakahawak.

“Ang gwapo-gwapo mo talaga, France…” papuri niyang lumuluha habang nakangiti at hinahaplos ang aking mukha.

Mabilis pa rin ang tibok ng aking puso. Namamangha rin ako dahil maging ang boses namin ay parehong-pareho. Hindi ko maipaliwanag ang aking emosyon, ngunit batid kong masaya ako. Ito na marahil ang sinasabi nilang lukso ng dugo.

Inabot ko ang kamay ni Weldy na nasa aking pisngi at mas dinama pa iyon.

“I-ikaw rin naman, Weldy… Mas gwapo ka pala sa personal..?” humihikbing papuri ko rin sa kanya pabalik.

Napakasarap sambitin ang pangalan ng aking kakambal. Para akong nasa ulap at idinuduyan. At habang nararamdaman ko ang kanyang balat, pakiramdam ko ay ligtas ako. Pakiramdam ko, walang mangangahas na manakit sa akin na kahit sino.

“Alam n’yo? Nakakaloko kayong dalawa,” biglang komento ni Kuya Michael na nakaupo sa tapat naming dalawa. Kanina pa siya nananahimik at pinapanood lamang kaming magkakambal. Tahimik na umiiyak dahil sa masayang kaganapan na kami ni Weldy ay nagkaharap. “Kanina n’yo pa pinupuring gwapo ang isa’t isa, eh, iisa lang naman ang mukha ninyong dalawa.” sunod pa nitong komento at natawa.

Dahil sa naging reaksyon ni Kuya Michael ay sabay rin kaming natawa ni Weldy. Binitiwan ni Weldy ang aking mga kamay at ikinulong naman ako ngayon sa kanyang bisig.

“Hayaan mo na, Kuya… Ang saya-saya lang talaga namin dahil nagkita na rin kami sa wakas…” pagkontra ni Weldy at hinalikan naman nang paulit-ulit ang aking pisngi. Kanina niya pa ito ginagawa sa akin. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses na itong mangyari. “Tahan na nga, France… Iyak ka naman nang iyak, eh…” malambing naman niyang pagsaway sa akin habang pinupunasan gamit ang kanyang palad ang mga luha sa aking pisngi.

“Ikaw rin naman, eh… Kanina ka pa iyak nang iyak… Nahahawa tuloy ako…” sagot ko naman at pinunasan ko rin gamit ang aking palad ang mga luha nito.

Matapos iyon ay muli na naman naming niyakap ang isa’t isa nang mahigpit. Hindi talaga kami nagsasawang gawin ito nang paulit-ulit. At tuwing ito ay nangyayari, hindi rin maputol ang aming mga ngiti.

Ganito pala kasarap na mahagkan ang isang kapatid. Ito ang matagal ko nang inaasam — ang mahawakan, makapiling at mayakap ang nag-iisang tao na karugtong ng aking buhay.

Ilang minuto na naman naming sinulit ang sandaling iyon hanggang sa bumitiw kaming dalawa. Muli na naman niya akong hinaplos sa mukha habang nakatingin nang tuwid sa aking mga mata.

“France… H-hangang ngayon… Hindi pa rin ako makapaniwala… A-akala ko… Akala ko, imposibleng magkita pa ulit tayong dalawa… Pero noong marinig ko kanina na gusto mo akong makita… Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya… Iyon lang kasi ang gusto kong marinig galing sa ’yo… Na gusto mo pa rin akong makita sa kabila ng mga nangyari sa ating dalawa…” pagtatapat nitong humihikbi.

Habang pinapakinggan ko ang kanyang pagtatapat ay hindi ko maiwasang makaramdam ng pagsisisi. Tila ba nakakaramdam ako ngayon ng galit sa aking sarili. Matagal akong inasam na makasama ni Weldy, pero ako ay minsan nang nagdalawang-isip na magkita kaming muli.

“S-sorry, Weldy, ha..? Sorry kung natakot akong makaharap ka… Sorry kung minsan kitang kinalimutan… Sorry sa lahat… Patawarin mo ako…” paghingi ko sa kanya ng kapatawaran.

“Ssshhh…” pagputol niya sa akin at inilagay ang daliri nito sa ibabaw ng bibig ko. Nagbitiw rin siya ng matamis na ngiting nakakakalma. “Tama na ’yan, France… Tama na… Ang importante ngayon, tapos na ang paghahanap natin sa isa’t isa… Nakita na kita, nakita mo na ako… Sa tingin ko, iyon ang mas mahalaga…” pagpapaintindi pa nito sa akin, at muli, hinalikan na naman niya ako sa pisngi.

Natigilan na lamang kami nang biglang matawa si Kuya Michael dahilan para siya ay aming lingunin. Mukhang tapos na siyang manood sa madramang tagpo sa amin ni Weldy.

“Weldy, baka naman maubos mo ang kakambal mo niyan? Kanina mo pa siya pinapapak ng halik, ah?!” reaksyon ni Kuya Michael na natatawa.

Parang hindi naman naapektuhan si Weldy dahil iginapos na naman ako nito sa bisig niya.

“Inggit ka lang, Kuya, eh… Saka isa pa, alam mo naman na matagal ko ’tong hinintay, ’di ba..? Kaya susulitin ko talaga na yakapin itong kakambal ko!” sagot naman ni Weldy sa kanya.

Nakakatuwang pagmasdan si Weldy. Napakalambing at kapansin-pansin ang pagiging maalaga. Animo’y isa siyang bata na laging nakayakap. Hindi na nga kataka-takang marami ang nagmamahal at natutuwa sa kanya.

“O, siya, sige. Maiwan ko muna kayo rito. Aayusin ko lang ang kwarto ninyo. Alam ko naman na hindi mo pakakawalan ’yang si France kaya sa iisang kwarto na lang kayo matutulog. Ihahanda ko na rin ang mga gagamitin niyang pangtulog.” bilin na ni Kuya Michael sa pagkakataong ito. Hindi na rin niya hinintay pang kami ay sumagot dahil umalis na rin ito sa kanyang pwesto.

Hinatid pa ng aming mga paningin si Kuya Michael, at nang tuluyan na siyang makalayo ay muli na naman akong hinarap ni Weldy. Kanina pa kami naririto at magkatabi, pero hindi siya nagsasawang haplusin nang paulit-ulit ang aking mga pisngi.

“Ang gwapo mo talaga, bunso!” tuwang-tuwa na naman niyang reaksyon at pinisil ang pisngi ko.

“Bunso?” nagtataka ko naman na tanong. Magkakambal kami, pero may panganay at bunso pa ba sa amin?

“Oo! Ikaw ang bunso sa ating dalawa dahil nauna kang lumabas noong ipinanganak tayong dalawa. Ayon kasi sa matatanda, sa isang kambal na magkapatid, ang unang inilabas ang bunso. Kaya ikaw ’yon, at ako naman ang panganay sa ating dalawa.” mahaba niyang paliwanag na ngayon ko lamang naman nabalitaan.

Sa haba ng kanyang sinabi, sa isang bagay ako naging interesado.

“Weldy, nabanggit mong ako ang bunso? Ibig bang sabihin, may alam ka kung sino ang mga magulang natin?”

Simula pa noon ay wala akong ideya kung paano ako nakarating sa bahay-ampunan o kung sino ang aking pinagmulan. Ngayong nasagot na kung sino ang nawawala kong kamag-anak na walang iba kundi ang kakambal kong si Weldy, baka ito na rin ang pagkakataon para alamin kung sino ang pinagmulan namin.

Naging malungkot ang mga mata ni Weldy ngunit nanatili roon ang kanyang mumunting ngiti.

“Mahabang kwento, France. Matagal kong inalam ang pinagmulan nating dalawa. Pero ayon sa inupahan kong tao para mag-imbestiga, noong ipinanganak tayo, iyon na rin ang huling araw na nakasama natin sila,” panimula niya at sandaling tumigil para magbuntong-hininga. Piniga niya rin ang aking mga kamay na kanya pa ring hawak saka nagpatuloy sa pagpapaliwanag. “Nagkaroon ng malaking sunog sa bundok kung saan nakatira ang mga magulang natin noon. At habang nagaganap ang malagim na sunog, kasalukuyan din tayong iniluluwal ng ating ina. Hindi malaman ng ama natin kung ano ang uunahin — kung ililigtas ba ang Inay, o ang ipanganak tayong dalawa. Sa huli, nagpumilit ang Inay na iluwal tayong dalawa at inutusan naman ang Itay na iligtas muna tayong magkakambal. Nakaligtas tayo, France, pero sa kasamaang palad, noong binalikan ni Itay ang Inay, pareho na silang nakulong sa maliit nating bahay.” huling bahagi ng kanyang salaysay.

Parang pinipiga ang aking puso sa aking narinig. Labis na panghihinayang at pagkaawa ang aking naramdaman dahil sa sinapit ng aming mga magulang.

Nakakalungkot isipin na hindi man lang namin naranasan na maihele ng aming ina. Nakakapanghina na hindi man lang namin naranasan na makalaro ang aming ama.

“Napunta tayo sa maliit na bahay-ampunan. Wala tayong pangalan, walang pagkakakilanlan. At dahil natagpuan tayo sa nasusunog na kagubatan, pinangalanan tayong Weldimar at Francisco na hango naman sa salitang ‘Wildfire’. Inalagaan tayo sa ampunang iyon sa loob ng isang taon. At noong mismong unang taon ng kaarawan natin, doon din tayo nagkahiwalay. Inampon ako, at ikaw naman, naiwan doon…”

Nasaksihan ko kung paano mabilis na dumaloy ang mga luha ni Weldy. Mas naging malinaw rin sa akin kung gaano siya nagsisisi sa aming paghihiwalay. Ramdam ko siya, dahil maging ako ay parang nalulunod na ngayon sa labis na kalungkutan dulot ng panghihinayang. Hindi ko na rin naiwasan ang aking mga luha na muling mag-unahan sa pagbagsak.

“S-sorry, France, kung wala akong nagawa sa mahabang taon na nasa ampunan ka… Sorry kung huli ko nang nalaman na naroroon ka pala at nag-aalaga lang ng mga bata… Samatalang ako rito, nasusunod ang lahat ng gusto… Nakukuha ko ang kahit na anong bagay na hingiin ko… Habang ikaw, naghahanap ng kalinga na ipinagkait sa ’yo… Sorry kung wala ako sa bawat gabi na umiiyak ka… Sorry kung wala ako tuwing kailangan mo ng makakasama… Sorry kung sa bawat tagumpay mo, wala ako para palakpakan ka… Sorry kung sa bawat kaarawan natin, ako lang ang may handa… Samantalang ikaw, nagtitiis sa kung ano lang ang nasa mesa… Sorry kung sa bawat pagkakataon na pinapasaya ako rito ng kinalakihan kong pamilya, naroroon ka naman sa ampunan para magpasaya ng iba… Sana, mapatawad mo ako, France… Sorry sa lahat…”

Halos hindi na makahinga nang maayos si Weldy dahil sa sabay niyang pag-iyak at pagsasalita. Nakaramdam naman ako ng awa sa aking sarili habang inaalala ang mga pinagdaanan ko roon sa bahay-ampunan. Ngunit sa kabilang banda, sinikap kong idaan na lamang sa ngiti ang lahat.

Unti-unti ay kumilos ako para yakapin ang aking kakambal. Ramdam ko ang labis niyang pagsisisi sa isang pagkakamaling hindi naman niya kasalanan.

“Wala kang kasalanan, Weldy… Wala… At ngayong alam ko na ang totoo, gusto kong malaman mo na hinding-hindi kita sisisihin kahit isang beses sa mga nangyari sa buhay ko… Sabi mo nga, ’di ba..? Tapos na ang lahat… Magkasama na tayo… Nakaraan na lang ang mga iyon at ’wag na nating balikan… Ang isipin na lang natin ngayon, kung paano tayo makapagsisimula…” pagpapagaan ko sa kanyang kalooban.

“S-salamat, France… Hayaan mo… Babawi ako… Babawiin natin ang mga araw, buwan at mga taon na nawala sa ating dalawa… Babawi ako… At kahit anong mangyari, sisiguruhin kong mapapasaya kita… Kahit anong hilingin mo, ibibigay ko lahat sa ’yo… Lahat ng wala sa ’yo noon, lahat ng kinasasabikan mong magkaroon, ibibigay ko sa ’yo ang lahat ng ’yon… Pangako ko ’yan… Pangako ko ’yan sa ’yo, France…” humahagulgol na siya at lalo nang hindi makapagsalita nang maayos.

Tanging pagtango lamang ang naisagot ko rito. Nagbabaka sakali akong sa pamamagitan ng aking mabilis na pagsang-ayon ay mapagaan ko kahit paano ang kalooban nito.

Sa totoo lang, hindi naman mahalaga sa akin ang mga materyal na bagay na hindi ko naranasan. Si Weldy, ang presensiya niya lang ay sapat na. Wala na akong ibang mahihiling pa.

May katagalan din kami sa ganoong posisyon na dalawa. Hindi ko siya binitiwan hangga’t hindi siya kumakalma. Patuloy lang ako sa paghaplos ng kanyang likod at ganoon din siya sa akin habang kami ay magkayakap.

Nang masigurong maayos na kahit paano ang aming pakiramdam ay hinarap naming nakangiti ang isa’t isa.

Marami pa akong gustong malaman. Marami pa akong gustong itanong at gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito na kami ay magkaharap.

“Weldy, ’wag ka sanang magagalit, ha..? Pero gusto ko sanang malaman kung paano ka naman nakaligtas sa sinasakyan nating barko..? Ang buong akala ko, wala ka na… Akala ko, hindi na kita makikita…” panimulang pag-uusisa ko na sa kanya.

Mas lumawak ang pagkakangiti ni Weldy at bakas sa kanya ang pananabik na isiwalat ang mga naganap. At bago siya nagsimula, isang buntong-hininga rin muna ang kanyang pinakawalan.

“Bago nagkaroon ng malagim na aksidente ang barkong sinasakyan natin, hindi ako tumigil na hanapin ka. Inabot na ako ng gabi at kakaunti na lang ang tao, pero hindi ako napagod sa paghahanap sa ’yo. Gusto na kasi kitang makita, kaya ayaw kong mag-aksaya ng oras. Pero habang nasa kalagitnaan ako ng paghahanap, may isa namang hindi ko kilalang lalaki ang gumawa sa akin ng masama. Kinuha niya ang lahat ng pera ko, suot kong alahas, at maging ang damit na suot-suot ko, hindi niya pinatawad.” mahabang pagsagot nito sa aking katanungan.

Kahit tapos na ang insidenteng iyon ay hindi ko naiwasan ang makaramdam ng pag-aalala sa kanya. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kanyang kamay upang ipaabot ang aking pakikiramay.

“Hindi naman ako nanlaban at hindi ako nakaramdam ng takot, France. Mas nangingibabaw pa rin kasi sa akin na magkita tayo. Sinuwerte lang ako dahil may nadaanan din akong mag-asawang pasahero rin ng barko na nagpahiram sa akin ng damit para may magamit ako. Pero parang ayaw talaga tayong pagtagpuin noong mga oras na iyon. Dahil habang nasa kalagitnaan pa rin ako ng paghahanap, nagkaroon naman ng malaking pagsabog na naging dahilan ng paglubog ng barko.” pagpapatuloy pa nito.

Hindi ako makapaniwala sa aking mga narinig. Hindi ko inaasahan na maaari palang magkaroon ng ganoong insidente sa loob pa mismo ng barko. May mga nakawan din palang nagaganap sa lugar na iyon.

Unti-unti ay nagkakaroon na rin sa akin ng linaw kung paano nagkaroon ng pagkakamali sa natagpuan niyang katawan.

“Kung ang iniisip mo, France, ay nagkamali sina Kuya Michael sa natagpuang bangkay ko, tama ka. Naging basehan nila ang singsing na suot ng taong gumawa sa akin noon ng masama. Hindi ako iyon. Dahil ang totoo, nakaligtas din ako tulad mo.” pagsagot na ni Weldy sa katanungan ng isip ko.

Ngunit may isang bagay ang sa akin ay gumugulo.

“Weldy, kung nakaligtas ka sa aksidente, bakit ngayon ka lang nagpakita? Bakit ang tagal mong nawala? Bakit inabot pa ng halos dalawang taon bago ka nagdesisyong bumalik sa aming lahat?” sunod-sunod kong pagtatanong sa kanya.

Nakita ko kung paano sinubukang ibuka ni Weldy ang kanyang bibig para sumagot, ngunit naunahan ito ng taong binalikan kami rito.

“Hayaan mong ako ang magpaliwanag sa ’yo, France,” pagputol sa amin ni Kuya Michael habang naglalakad ito upang makabalik sa kanina niyang pwesto. Muli ay umupo siya sa aming tapat at tiningnan kami nang seryoso.

Hindi ko mabasa ang nasa likod ng isip ngayon ni Kuya Michael. Tila ba sa kanyang ekspresyon ay may namamayaning lungkot doon.

Nabalot kami ng ilang minutong katahimikan bago sinimulan ni Kuya Michael ang pagtatapat.

“Itinago ko si Weldy.”

Apat na salita, ngunit sapat na iyon upang maiwan akong nakatulala habang nanlalaki ang aking mga mata.

“Noong matagpuan ang bangkay ng inakala naming si Weldy, naiwan akong miserable. Wala na akong pamilya. Wala na kaming mga magulang, kaya hindi ko matanggap na pati siya, mawawala. Ayaw kong tanggapin dahil siya na lang ang dahilan kung bakit ako nagpapatuloy sa buhay,” panimulang salaysay ni Kuya Michael. Tiningnan niya rin si Weldy na ngiti lang sa kanya ang iginanti.

Isang pagbuntong-hininga ang pinakawalan ni Kuya Michael at saglit na napapikit para alalahanin ang mga nangyari sa nakaraan.

“Noong makita ang bangkay ng taong may suot ng singsing ni Weldy, hindi pa rin ako makumbinsi. Epekto na rin siguro na hindi ko matanggap ang nangyari, nagsagawa ako ng sariling imbestigasyon tungkol sa pagsabog at paglubog ng barko. Ginamit ko ang impluwensiya at pera ko para alamin ang lahat. Sinarili ko iyon dahil ayaw kong makadagdag pa sa sariling problema ni Oliver. Nasa bahay ka na niya noong mga panahong iyon kaya kumilos ako nang hindi niya nalalaman,”

Tanging paglunok lang ang aking nagawa. Sa mahigit isang taon na kasama ko si Kuya Michael ay hindi siya nagpakita ng palatandaan na may itinatago siya. Higit pa akong nasorpresa dahil hindi nakahalata si Oliver sa kanya gayong matagal na silang magkakilala.

“Sa simula, nagkaroon ako ng hinanakit kay Oliver dahil madali niyang natanggap sa sariling wala na si Weldy. Pero sa huli, inintindi ko na lang din. Nasaktan at naging miserable rin naman siya. Isa pa, wala naman kaming makita pa na ibang basehan na buhay pa nga si Weldy. Kahit gusto kong patunayan, wala naman akong maipakitang pruweba. Siguro nga, nababaliw na rin ako noon. Natatakot kasi ako. Ayaw kong maiwang mag-isa. Si Weldy na lang ang nag-iisa kong karamay, ayaw kong mawala pa siya.”

Nakikisimpatya ako sa bagay na iyon kay Kuya Michael. Siguro nga ay may mali siya, pero kung isang kapatid o miyembro ng pamilya ang nawala sa iyo, kahit imposible ay gagawin mo para lang makita ulit ito.

“Kumuha ako ng mga taong makakatulong sa akin. Ilang buwan din namin iyong inimbestigahan. Malaking pera na rin ang nagagamit ko pero wala akong pakialam. Kung kinakailangan kong gamitin kahit ang natitira kong barya sa bulsa, walang pagdadalawang-isip kong gagawin iyon kung iyon lang din ang natitirang paraan para makakuha ng balita sa bawat pasaherong sakay ng barkong ’yon.” pagbubukas na nito ng panibagong paksa.

Habang nagpapatuloy si Kuya Michael sa paglalahad ay nasaksihan ko kung paano siya unti-unting binabalot ng takot. Ngunit tuwing titingnan niya si Weldy na nakangiti lamang sa kanya ay mabilis din na nawawala sa kanyang ekspresyon ang takot na iyon.

“Ilang buwan ang hinintay ko. Ilang buwan akong halos hindi makatulog at makakain nang maayos. Hanggang sa isang araw, nakatanggap ako ng mensahe at isang larawan mula sa inupahan kong private investigator. Larawan ng isa sa mga pasaherong sakay ng barko. Larawan ng lalaking nakatulala lang. Lalaking ilang buwan nang hindi nakakarinig, hindi nakapagsasalita at hindi nakakaramdam. Larawan ng matagal ko nang pinapahanap — si Weldy… Buhay si Weldy, pero parang patay naman…”

Sa pagkakataong ito, hindi na napigilan ni Kuya Michael ang kanyang mga luha na dumaloy mula sa kanyang mata. Napayuko na rin ito at tinakpan ang mukha. Marahil ay naalala niya ang eksaktong imahe ni Weldy noong siya ay kanyang matagpuan.

“Halos mawalan ako ng malay noon dahil sa pinaghalong saya at lungkot… Masaya ako dahil buhay ang nag-iisang tao na dahilan kung bakit ako nagpapatuloy… Pero malungkot ako dahil ilang buwan na raw siyang nasa ganoong kondisyon…”

Inangat ni Kuya Michael ang kanyang ulo at mas lalo naming nakita ang paghihirap nito.

“M-maniwala kayo… Hindi ko naman gustong sarilinin lang ang lahat… Hindi ko gustong itago ka lang, Weldy… Sinubukan ko naman sabihin kay Oliver ang nalaman ko… Pero noong minsan akong nagtungo sa bahay n’yo, nakita kong nagsisimula nang mabuhay ulit ang bahay na ’yon…” paglalahad na nito habang kay Weldy nakatingin.

Pinagmasdan ko si Weldy. Suot pa rin niya ang kanyang ngiti, ngunit ang kanyang mga mata ay may mumunting luha na rin.

May ilang segundong pinalipas si Kuya Michael para ituloy ang paglalahad. At sa pagkakataong ito, sa akin na niya ibinaling ang kanyang mga mata.

“N-nandoon ka na, France, sa bahay nina Oliver para gampanan ang mga bagay na si Weldy noon ang gumagawa… At dahil napalapit ka na rin sa akin, ayaw kong masaktan ka… Natakot din akong sabihin sa kanila ang totoo lalo na at nakikita kong parang wala nang pag-asa si Weldy… Ang naisip ko lang noon, kung makikita ninyong lahat si Weldy na nasa ganoong kondisyon, mas lalo lang kayong mahihirapan…” paliwanag na nito sa akin at napahagulgol na rin sa huli.

Mabilis na kumilos si Weldy. Binitiwan niya ang aking kamay at nagtungo sa pwesto ni Kuya Michael.

“’Wag ka nang umiyak diyan, Kuya… Hindi ka naman namin sinisisi, eh…” pag-aalo ni Weldy kay Kuya Michael.

“I’m sorry, Weldy… Masyado nang magulo ang isip ko noong mga panahong iyon… Wala na rin akong pakiaalam noon kung makakabalik ka pa ba sa normal… Ang mahalaga sa akin, buhay ka… Hindi na baleng hindi mo ako nakakausap, naririnig o nararamdaman… Ang mahalaga sa akin, kasama pa rin kita…”

Kitang-kita ko ang labis na pagsisisi ni Kuya Michael dahil sa nangyari. Noong mga panahong iyon, marahil ay walang laman ang kanyang isip kundi ang kanyang kapatid. Hindi na niya inisip ang magiging epekto ng kanyang pagiging makasarili. Ang mahalaga sa kanya ay ang kapakanan lamang ni Weldy.

“Kuya, nandito na ako, oh..? Nakakapagsalita na ako. Nakikita at naririnig na kita. Nahahawakan. Kaya salamat dahil hindi ka sumuko sa paghahanap.” pagkumbinsi pa rin ni Weldy sa nakatatandang kapatid. Hinahaplos niya rin ang likod nito at niyakap nang mahigpit.

Pinanood ko lamang silang dalawa at hindi ko maiwasan ang mapangiti. Nakakatuwang isipin na kahit hindi sila tunay na magkapatid, mayroon silang samahang natatangi.

May katagalan din sila sa ganoong posisyon, at nang masigurong maayos na si Kuya Michael ay agad din na nagbalik sa aking tabi si Weldy. Niyakap nito ang aking bewang dahilan para matawa si Kuya Michael dahil sa pagkaaliw sa amin. Iniisip niya sigurong hindi na talaga kami mapaghihiwalay na magkapatid.

“Pinuntahan ko agad si Weldy sa liblib at malayong isla kung saan siya natagpuan. Nasa pangangalaga siya ng mag-asawang walang anak. Pangingisda rin ang pangunahin nilang ikinabubuhay. Nagpapasalamat na lang din ako dahil mabubuti silang tao. Nagpakilala akong kapatid ni Weldy at madali ko naman sa kanilang napatunayan ’yon. Bago ko naman kinuha si Weldy sa kanila, inalok ko sila ng malaking halaga pero tinanggihan din nila. Ang pakiusap lang nila ay dalawin namin sila sa oras na maayos na ang kalagayan niya.”

Kung ganoon, malaki rin pala ang naging hirap ni Weldy noong mga panahon na wala siya rito sa amin. Dumaan siya sa sitwasyong tulad din ng akin. Ang kaibahan lamang, mas matagal siyang nawala sa kanyang sarili.

Hindi ko maiwasan ang muling maging emosyonal habang iniisip ang naging kalagayan ni Weldy. Hindi ko naman magawang magsalita, kaya ang pagyakap na lamang sa kanya ang aking naging pamamaraan upang ipaabot ang aking matinding pakikisimpatya.

Nagpatuloy si Kuya Michael sa paglalahad at tahimik lamang kaming nakikinig ni Weldy. Nakahilig na rin si Weldy sa aking balikat habang kulong pa rin ako ng kanyang bisig.

“Dinala ko siya rito sa Maynila at inalam ang eksaktong kondisyon niya. Sa tulong ng mga mapagkakatiwalaan kong mga doktor, nalaman namin na nagkagano’n siya dala ng trauma at matinding head injury. Sinikap naming pag-aralan at hanapan ng solusyon ang kondisyon niya, pero sa bawat araw na dumarating, walang positibong signs siyang ipinapakita. Ilang beses na akong sinabihan ng mga kasamahan kong maliit ang chance na makabawi siya, at kung makakabawi man siya, matatagalan pa ’yon. Hindi naman ako tanga, e. Doktor ako at alam ko ang bagay na ’yon. Pero tulad ng kung paano ko siya hinanap, kumapit pa rin ako kahit sa pinakamaliit na tiyansa. Kahit mas matibay ang paniniwala ko sa siyensya, umasa pa rin ako sa himala,”

Kung iisipin, malaki rin ang naging sakripisyo ni Kuya Michael para kay Weldy. Kung si Oliver ay sinisimulan nang hilumin ang sariling sugat dahil sa inaakalang pagkasawi ni Weldy, siya naman ay naiwan pa rin na nagdurusa at miserable. Hinding-hindi matatawaran ang nagawa ni Kuya Michael para sa kanyang kapatid.

“Dahil din sa walang ipinapakitang senyales si Weldy na babalik na siya sa dati, lalo nang nabuo sa akin ang desisyon na itago muna siya. Ayaw ko nang magulo pa sina Oliver at ang mga bata habang kasama ka, France. Lalong ayaw kong masaktan sina Marl at Kryz kung makikita nila si Weldy sa ganoong kalagayan. Kaya sa halip sa sabihin sa kanila ang totoo, sinarili ko na lang.”

Muli ay napayuko si Kuya Michael. Bakas pa rin sa kanya ang labis na pagsisisi sa desisyong nagawa.

“Alam ko naman na isang malaking pagkakamali ang ginawa ko, pero ang naiisip ko lang noon, mas magiging magulo lang ang lahat kung malalaman n’yong buhay pa si Weldy. Dahil kahit makabalik siya sa inyo, masisira rin ang mga planong binubuo na ninyo para sa kinabukasan n’yo. Walang malay si Weldy at baka magdesisyon ka rin, France, na iwan ang mga bata kaya hinayaan kong makapagsimula kayo ng panibagong buhay.”

Hanggang ngayon ay hindi ko alam ang magiging reaksyon sa nalaman. Kung sa ibang tao lamang ito nangyari, baka ay sinisi na siya sa huli. Ngunit para sa akin, mas nangingibabaw ang pang-unawa ko sa kanya. Malaki ang kanyang isinakripisyo para sa kaligayahan ng iba. Hindi lamang niya inaasahan na sa ganitong tagpo mauuwi ang lahat.

“Kumuha ako ng isang condo para doon si Weldy mamalagi. Kumuha rin ako ng mga kasambahay at personal nurse na magbabantay sa kanya tuwing wala ako. Araw-araw akong nagpupunta roon nang patago, at kung minsan, doon na rin ako natutulog. Tulad pa rin dati, wala pa rin pag-asa na bumalik si Weldy sa normal, pero masaya na akong nakikita siyang buhay,”

Saglit kaming natigilan ni Kuya Michael dahil kumilos si Weldy para halikan ako sa pisngi.

“Pero buhay ako, ’di ba?” tanong pa nito sa akin.

Pareho lang naman kaming napangiti ni Kuya Michael sa kanya kahit pa patuloy kaming lumuluha. Matapos iyon ay nagpatuloy na rin si Kuya Michael sa paglalahad.

“Lumipas pa ang taon at buwan na inaalagaan ko nang palihim si Weldy. Nadiskubre na rin ang itinatago namin ni Oliver tungkol sa ’yo, France, at tulad ng inaasahan, hindi nga naging maganda ang mga sumunod na pangyayari. Hindi ko pa rin sinabi ang tungkol kay Weldy dahil lalo lang madadagdagan ang problema n’yo. Gusto ko rin kasing mabuo ulit kayo. Ayaw kong makita ang senaryong masisira ang samahan ninyo na pinagsikapan n’yo na ring itaguyod. Mahal ko ang mga bata at ayaw kong masaksihan na maging miserable ulit sila dahil pareho n’yo silang iniwan.” paglalahad na nito sa senaryong ilang buwan na rin ang nakararaan.

Tulad kanina, tahimik pa rin akong nakikinig sa kanyang paliwanag.

“Noong maayos n’yo ni Oliver ang problema, nakahinga na rin ako nang maluwag. Inisip ko, matatahimik na kayong lahat. Nagbalik naman ako sa matiyagang pag-aalaga kay Weldy. Unti-unti ko na rin tinanggap na ganito na lang kami habang-buhay — siya sa ganoong kondisyon, at ako sa patagong pag-aalaga sa kanya. Lagi ko siyang kinakausap kahit wala akong sagot na natatanggap. Katabi niya ako tuwing paulit-ulit akong nagpapasalamat sa Diyos dahil buhay siya at kasama ko pa rin siya,”

Nang sabihin iyon ni Kuya Michael ay hindi na niya naitago ang kanyang tunay na ngiti. Maging si Weldy ay napangiti nang malapad habang siya ay nasa aking tabi.

Sa sumunod naman na paglalahad ni Kuya Michael ay tanging kay Weldy na napako ang kanyang paningin.

“Lumipas pa ang mga araw hanggang sa makasilip ako ng pag-asa kay Weldy. Nagagawa na niyang igalaw ang mga mata niya. Sinubukan ko ulit mag-isip kung dapat ko pa bang ipagtapat sa inyo, France, ang totoo, pero kasabay rin no’n ang pagbabalita n’yo sa akin na ikakasal na kayo ni Oliver. Dahil doon, lalo na rin nabuo sa akin ang desisyon na habang-buhay ko na ngang itago si Weldy mula sa inyo.”

Sa parteng ito ay bigla na lamang akong nakaramdam ng pagkabahala. Inalala ko si Weldy na naririto pa rin at nakikinig. Ngayong kami na ni Oliver ang paksa at tungkol na ito sa aming pagpapakasal, labis akong nahihiya sa aking kakambal. Hindi lang basta kung sino si Oliver sa kanya, siya ang legal at unang asawa kaya hindi ko maiwasan ang makaramdam ng takot at hiya.

Sinubukan kong lingunin si Weldy upang alamin ang kanyang nararamdaman. Hindi ko naman inaasahan na sa paglingon kong iyon ay magtatagpo rin ang aming mga mata.

Napalunok ako sanhi ng kaba, ngunit mabilis din na nawala iyon nang ngumiti siya sa akin nang malapad. Napakaganda ng kanyang ngiti na animo’y hindi siya apektado sa nalaman.

Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay ako na lamang ang umiwas. Hindi ko magawang tingnan siya nang diretso at gantihan ang ngiti niya.

Nagpatuloy pa si Kuya Michael sa paglalahad at nagbalik na rin kami ni Weldy sa pakikinig sa kanya.

“Ang akala ko ay matatagalan pa. Ang akala ko ay aabutin pa ng ilang taon para makabawi siya. Pero isang tawag mula sa personal nurse ni Weldy ang nagpabago ng lahat. Pumunta ako ng condo kung saan ko siya pinamamalagi at naabutan ko siyang nagwawala habang umiiyak,” tila ba huling bahagi ng pagsasalaysay ni Kuya Michael. Sa pagkakataong  ito bago siya nagpatuloy ay sa akin na niya ibinaling ang kanyang mga mata. “Ikaw ang paulit-ulit niyang hinahanap, France. Noong makabalik siya, mas nauna ka niyang hanapin kesa sa amin na sarili niyang pamilya.” dugtong pa ni Kuya Michael at napangiti sa huli nang may pang-unawa.

Sa huling bahagi ng sinabi ni Kuya Michael, kakaibang init ang bumalot sa aking buong katawan. Nakakapaso ito ngunit lubhang napakasarap sa pakiramdam. Ito na yata ang tinatawag nilang init ng pagmamahal mula sa isang kapatid at tunay na pamilya.

Dahil sa aking mga narinig ay hindi ko naiwasan ang mapangiti, ngunit kasabay nito ay ang pagdaloy ng masagana kong mga luha sa aking pisngi.

Walang mapaglagyan ang kasiyahan ko. Sa wakas, alam ko na ang pakiramdam na nabibigyan ng importansya mula sa isang mahalagang tao. May mga taong nagbigay na sa akin ng inaasam kong ito noon, ngunit iba pala talaga sa pakiramdam na nagmula ito sa sariling kadugo.

Kung ibang tao lang siguro ang nakakakita sa akin sa mga oras na ito, alam kong hindi nila ako mauunawaan. Baka isipin pa nilang napakababaw kong tao dahil lamang sa dahilang ako ang unang hinanap ng aking kakambal. Pero sa sitwasyon ko, malaking bagay iyon. Mahalaga sa akin iyon dahil sa unang pagkakataon ay naramdaman kong ako ang prioridad. Ako ang naging kauna-unahan sa listahan. Hindi ako naging isang reserba lamang. Ako ang nauna. Hindi na ako nagsilbing kapalit sakaling walang mapagpipilian.

“S-salamat, Weldy… Salamat…” iyon lang ang tanging nasambit ng aking bibig. Kasunod nito ay niyakap ko si Weldy nang mahigpit.

“Ikaw ang una kong hinanap dahil mahalaga ka sa akin, France… Kahit pa sabihing ngayon lang tayo nagkita, hindi dahilan iyon para hindi kita mahalin nang higit sa iba… Kapatid kita… Tayo na lang ang natitirang pamilya… Kaya kung may kauna-unahang tao na dapat kong bigyan ng malasakit, ikaw ’yon bago ang iba… Mahal kita, France… Mahal na mahal…” malambing na lahad ni Weldy na alam kong bukal sa kanyang kalooban.

Hindi ko magawang makapagsalita. Ganito pala kapag nakakaramdam ka ng labis na tuwa. Hindi ko malaman kung ano ang dapat unahin sa dami ng aking nais sabihin. Naroroon din ang pakiramdam na gusto mong sumigaw dahil sa labis na kaligayahan.

Kung kanina ay halos hindi na kami mapaghiwalay na magkakambal, ngayon ay mas tumindi pa ang pagkapit namin na animo’y hinding-hindi na talaga mapaghihiwalay.

Halos panggigilan ako ni Weldy at ganoon din ako sa kanya. Sa higpit ng aming pagkakayakap ay halos isayaw na namin ang isa’t isa.

“France, ang saya-saya ko! Sobrang saya ko! Sa sobrang saya ko nga, parang gusto na kitang gawing kwintas at isabit sa leeg ko para hindi na tayo mapaghiwalay pa!” tuwang-tuwang sambit ni Weldy sa tonong nanggigigil. Naging dahilan tuloy iyon para matawa kaming dalawa ni Kuya Michael.

Napakalambot ng katawan ni Weldy habang dinadama ko ang kanyang yakap. Ganito pala ang nayayakap ang isang tunay na kapatid — iyong kahit nalulunod ako sa kalungkutan, mabilis ko itong nakakalimutan at napapalitan ng nag-uumapaw na kasiyahan.

May katagalan pa kami sa ganoong posisyon hanggang sa awatin na kami ni Kuya Michael.

“Baka naman gusto n’yo nang magpahinga? Ilang oras na lang, umaga na. Para naman kayong hindi magtatabi niyan sa kama kung kumapit kayo sa isa’t isa!” natatawa nitong pagpuna.

Natatawa rin naman kaming naghiwalay ni Weldy ngunit nanatiling magkahawak ang aming mga kamay.

“Masyado kang KJ, Kuya!” tila ba naiinis na pagsaway ni Weldy kay Kuya Michael. “Naiinggit ka lang, eh!” pang-aasar pa nito sa kanyang kapatid.

Napataas ng isang kilay si Kuya Michael at napangiwi.

“Ang dami mong alam, Weldy!” tila napipikon niyang reaksyon. “Umakyat na nga kayo para makapagpahinga! Pati ako napupuyat sa inyong dalawa!” utos niyang nakasimangot. Kasunod nito ay tumayo na rin siya mula sa kanyang pwesto.

Sa halip na maapektuhan kami ni Weldy ay sabay rin kaming natawa. Para kasing nagbalik sa pagkabata si Kuya Michael.

“O, ’di ba, France? Sabi ko sa ’yo, naiinggit lang ’yan, eh!” bulong pa sa akin ni Weldy pero sinadya niya rin iyong lakasan.

Wala akong nagawa kundi ang matawa na lamang sa kanilang pag-aasaran.

“Sinabi nang umakyat na kayong dalawa, ’di ba?!” may kalakasan nang utos sa amin ni Kuya Michael.

“Oo na! Ang sungit talaga!” sagot naman ni Weldy sa kanya. Kasunod nito ay ako naman ang kanyang hinarap. “Tara na, France? Hihintayin kitang matapos mag-shower! Tapos, tabi na tayong matulog!” galak na galak naman nitong pagyaya sa akin.

Sinimulan na ni Weldy ang kumilos para makatayo, ngunit may isang bagay akong naalala kaya hindi ako nagpadala sa paggaya nito.

“Weldy, sandali,” pag-awat ko rito dahilan para makaupo siyang muli. Maging si Kuya Michael ay napatigil sa kanyang paglalakad dahil sa biglaan kong pag-awat sa kanyang kapatid.

Nagbalik ang katahimikan sa pagitan naming tatlo. Nagbalik din ang aking pag-aalala at alam kong hindi ito maitatago ng ekspresyon ko.

Isang malalim na buntong-hininga muna ang aking ginawa bago tinanong ang isang napakahalagang bagay.

“Weldy,” pagtawag kong kinakabahan sa aking kakambal. “A-ano na nga pala… Ano na nga pala ang plano mo ngayon..? Hindi mo sa akin nabanggit ’yon… Paano si Oliver at ang mga… A-ang mga anak ninyo?” pahina nang pahina kong pagtatanong. Sa huling bahagi rin kasi ng aking sinabi ay naramdaman kong tila pinipiga ang aking dibdib.

Nasaksihan ko kung paano natigilan si Weldy. Si Kuya Michael naman ay natahimik din lamang at tiningnan siya. Tila ba nagtatanong din ito kung ano nga ba ang plano ng kapatid niya. Mukhang hindi pa nila napag-uusapan ang ganitong bagay.

Ilang segundo akong naghintay sa kasagutan, at nang makabawi si Weldy ay isang matamis na ngiti sa akin ang kanyang pinakawalan.

“France, kung pwede sana, bukas na lang natin ’yan pag-usapan? Sa ngayon, magpahinga muna tayo. Alam kong pagod ka. Alam kong kailangan mo ng pahinga. Isa pa, gusto ko rin masulit ang oras na ikaw at ako lang. Ayaw kong may ibang bagay na gugulo sa muli nating pagkikita,” wika niya habang nakikiusap ang kanyang mga mata. “Tayo na? Baka lalo kang mapuyat niyan?” pagyaya na nito at tuluyang pag-iwas sa aking katanungan.

Gusto ko pa sanang magpumilit na makakuha ng kahit na katiting na ideya. Gusto kong pag-usapan ngayon mismo ang lahat. Pero bago ko pa magawang makapagtanong muli ay ang pagsasalita na ni Kuya Michael sa nakikiusap na tono niya.

“France, may bukas pa naman. Magpahinga na muna kayong dalawa. Alalahanin mo rin na may hika ang kakambal mo kaya bawal siyang napapagod at nagpupuyat.”

Sa huli ay wala akong nagawa kundi ang manahimik na lamang. Sa nakikita ko ngayon, mukhang hindi pa handa si Weldy na ito ay pag-usapan.

Sa kabilang banda, naisip kong siguro nga ay tama na rin ito. Kung sakali kasing ngayon ko uungkatin ang bagay na iyon, baka hindi ko rin kayanin.

“Let’s go na, France! Ipagtitimpla kita ng gatas!” masiglang pagyaya na sa akin ngayon ni Weldy. Tumayo na rin ito sa kanyang kinauupuan habang hinihila ang mga kamay ko.

Sa ikalawang palapag kung saan naroroon ang kwarto ni Weldy kami pumasok. Dahil sa minsan lamang akong nakarating dito sa bahay ni Kuya Michael, ito rin ang kauna-unahang beses na nakapasok ako sa dating kwarto ng aking kakambal bago pa siya magkapamilya at humiwalay.

Malaki ang kwarto ni Weldy. Malinis lalo na at ang pintura nito ay naglalaro lamang sa kulay krema at puti. Malapad ang kanyang kama at sa tabi niyon ay ang napakaraming manika na nasa sahig.

Pinapasok niya ako sa kanyang banyo at nakita kong naroroon na rin ang mga gagamitin ko. Tulad ng kung paano ako unang nakatapak sa bahay ni Oliver, pinahiram na naman niya ako ng personal na kagamitan nito.

Nang simulan kong maligo ay saglit na nagpaalam si Weldy para kumuha ng aming gatas. Nang siya ay makabalik naman, halos minu-minuto niya akong kinakatok sa pintuan. Tanong siya nang tanong kung kailan ba ako matatapos. Gusto na nga niya akong pasukin sa banyo para lang masigurong ayos lang ako. Kaya dahil sa kakulitan niyang iyon ay tuluyan ko nang nakalimutan ang mga bagay na gumugulo sa isip ko. Nabura ang lahat ng iyon dahil sa kapatid kong hanap nang hanap sa presensiya ko.

Matapos kong maligo ay nagpumilit siyang patuyuin naman ang aking buhok.

“France, ako na ang laging magpapatuyo ng buhok mo, ha?! Tapos, ikaw naman ang magpatuyo ng buhok ko after ko naman maligo!” maligalig niyang utos na sinagot ko lang ng pagtawa habang tumatango.

Nang simulan namin ang pag-inom ng gatas, nasa tabi ko pa rin siya at binabantayan ang aking bawat kilos.

“France, ubusin mo ’yang gatas, ha? Papaluin kita ’pag hindi mo ’yan naubos!” pagbabanta nito sa akin.

Hindi ko na naman naiwasan ang matawa dahil ginagawa niya akong bata. Sa bawat galaw ko ay lagi siyang nakabantay. Hindi ko na nga alam kung makukulitan na ba ako sa kanya o matatawa na lang. Nakakapanibago kasi ang lahat dahil ngayon ko lamang ito naranasan. Lumaki kasi akong walang dapat na asahan kundi ang sarili ko lang. Kaya naman hindi ko maiwasan ang masorpresa paminsan-minsan.

“France, ang saya ko talaga… Parang hindi ako nito makakatulog dahil sa sobrang saya…” malambing niyang sambit habang hinahaplos ang aking mukha.

Ngayon ay magkatabi na kaming nakahiga sa malambot niyang kama at naghahanda na rin kaming magpahinga. Nakatagilid ang aming pwesto upang kami ay magkatapat. Ilang pulgada lamang ang layo ng aming mga mukha at nakatingin nang tuwid sa mata ng isa’t isa.

Dahil sa kanyang sinabi ay muli na naman akong natawa.

“Weldy, bawal sa ’yo ang magpuyat, ’di ba? Gusto mo bang isumbong kita kay Kuya?” pagbibiro ko sa kanya. Kailangan ko na siyang pagbantaan dahil parang balak talaga niyang hindi matulog nang magdamag.

“Hayaan mo siya… Ako naman ang kakampihan mo ’pag pinagalitan niya ako, ’di ba? Kambal kasi tayo kaya dapat lang na ako ang kampihan mo.” paniniguro naman nito.

Simula pa kanina, wala na akong nagawa kundi ang matawa lamang sa kanya. Aliw na aliw talaga ako sa kung paano niya ako asikasuhin at kung paano siya magsalita. Para nga kaming nagbalik sa pagkabata.

“Pero, Weldy, ’pag ako na ba ang nag-utos sa ’yong matulog ka na, susunod ka ba?!” tanong kong natatawa sa kanya.

Ang inaakala ko ay mapapaisip pa siya, ngunit mabilis siyang tumango nang maraming beses.

“Siyempre naman! Kakambal kita kaya mas susundin kita kesa kay Kuya!” may kalakasan niyang sagot na pareho rin naming ikinatawa. Naging napakahaba talaga ng gabing ito para sa aming dalawa, ngunit masasabi kong napakasaya.

Nasa kalagitnaan kami ng malakas na pagtawa nang makarinig kami ng malalakas na pagkatok mula sa pintuan.

“Sinabi kong matulog na kayo, ’di ba?! Bakit ba ang tigas ng ulo n’yong dalawa?!”

Parehong nanlaki ang aming mga mata ni Weldy. Naitakip din namin ang aming mga palad sa bibig upang kontrolin ang aming mga boses.

Hindi pa pala nakakatulog si Kuya Michael? Ang tindi naman niyang magbantay?

“Matutulog ba kayo o papasok ako rito para bantayan lang kayo magdamag?!” mas malakas nang tanong ni Kuya Michael mula sa labas. Mukhang galit na rin ito at nagtitimpi na lang.

Napalunok kaming pareho ni Weldy, kasunod nito ay hinarap namin ang pintuan kung saan sa likod n’on ay ang umuusok na yata ang ilong na si Kuya Michael.

“Opo! Matutulog na!” sabay na sigaw namin ni Weldy sa kanya.

Matapos iyon ay nakiramdam pa kami ng aking kakambal. Hinintay namin kung may kasunod pa ba ang pagbabanta ni Kuya Michael.

“Umalis na yata siya?” sabay na naman naming tanong ni Weldy sa isa’t isa.

Halos hindi kami makahinga ni Weldy sa katatawa dahil sa pangalawang beses naming pagsasalita nang magkasabay. Kinailangan lang namin takpan ang aming mga bibig dahil baka marinig na naman kami ni Kuya Michael.

Bakit gano’n? Bakit iba sa pakiramdam tuwing sabay kaming magsasalita? Napakababaw na dahilan kung tutuusin, pero lubhang nakakatuwa.

“Matulog na nga tayo, Weldy! Ikaw kasi, eh! Ang kulit-kulit mo!” pagsaway kong pabulong sa kanya.

Sa halip na sagutin ako agad ay kinurot muna niya ang aking pisngi.

“Oo na! Matutulog na, kambal!” sagot niya na tila nanggigigil. “Good night, France!” pahabol pa nito at mabilis na hinalikan ang aking labi.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa bilis ng pangyayari. Naramdaman ko rin na mabilis na nag-init ang aking mga pisngi.

“B-bakit mo ako hinalikan sa labi, Weldy?!” nauutal kong tanong sa kanya.

Sa halip na masorpresa dahil sa pagtataas ko sa kanya ng boses, nagbitiw pa siya ng nakakalokong ngiti.

“Eh, ano naman?! Kambal naman tayo, ’di ba?! Normal lang ’yon! Saka ang tagal ko kaya ’tong pinangarap! Masanay ka na rin dahil lagi ko ’yan gagawin!” pagkontra niya sa akin.

Pambihira! Ganito ba talaga siya kakulit? O sadyang gigil na gigil lang talaga siya sa akin?

Pero sa kabilang banda, hindi ko maikakaila sa aking sarili na nakaramdam din ako ng saya. Napakasarap pala sa pakiramdam na makatanggap ng halik mula sa isang kapatid. Naipapahatid nito ang mensahe ng pag-aalaga at kalinga nang hindi ginagamitan ng boses.

“Good night din, Weldy…” nakangiti ko na ngayong sambit. Kasunod nito ay pareho na naming ipinikit ang aming mga mata nang may ngiti. Mas hinigpitan din namin ang yakap sa isa’t isa na animo’y hinihiling na sana ay nasa ganoon pa rin kaming posisyon hanggang sa kami ay magising.

Sa napakahabang panahon na paghahanap, tuluyan na talaga kaming nagkita.

Sa magkaibang uri ng paglalakbay sa aming mga buhay, ngayon ay kapiling na namin ang isa’t isa.

Sa bawat pait at pangungulila na aming naranasan, ngayon ay masasabi naming nakamit na namin ang tagumpay.

Alam kong marami pa kaming dapat na paghandaan ni Weldy. May mga bagay pa kaming hindi nareresolba na hindi lamang simpleng problema. Ngunit tulad nga ng kanyang sinabi kanina, susulitin muna namin ang pagkakataon na ito dahil ngayon lamang kami nagkasama. Kalilimutan muna namin pansamantala ang ibang bagay at isipin muna ang mundo naming dalawa.


A/N:

Baka naman may nag-ship na rin sa magkakambal, ha? Hindi pa ako ready magsulat ng incest…. Charot!

Para sa iyo ito,

mysteryjhecs

! Simula pa noon, hanggang ngayon, nariyan ka na. Maraming salamat! Magagawa ko rin ang book cover ng story mo! Sorry na! Lagi kong nakakalimutan! Hahahaha! Labyu!

Baka gusto n’yo ng break mula sa madramang kuwento, ini-invite ko po kayong basahin ang isa ko pang kuwentong, ‘Love Me, Teacher!’. Kilig at kaharutan lang ang hatid no’n bilang break ko na rin sa pagsusulat ng drama. Hehe. Salamat sa mga nagbabasa na roon! Labyu, guys!

Hanggang sa muli po! Salamat sa mga patuloy na nagbabasa! Hugs and kisses!

–– cold_deee❤

10.09.2018

Chapter 33


FRANCE - POV

“Uhmm…Weldy, sigurado ka ba rito?” tanong kong nag-aalangan habang patuloy niyang inaayos ang aking buhok.

Tiningnan niya ako mula sa salamin na nasa aming tapat. Sa mga oras na ito, habang pinagmamasdan ko ang aming repleksyon ay hindi ko maiwasan ang mamangha.

“Oo naman! Hindi naman masama ang makipaglaro sa kanya minsan!” masaya naman nitong tugon sa akin.

Hindi ko maiwasan ang mag-alala sa naisip niyang ideya. Nauna siyang nagising kaninang umaga. Kahit pa alam kong kulang din siya sa tulog ay hindi naging dahilan iyon para ako ay asikasuhin niya.

Ginising ako kanina ng mga yakap at paghalik ni Weldy. Ang mga yakap niyang walang kasing higpit dahil sa pananabik, ang halik niyang madiin at paulit-ulit sa aking magkabilang pisngi — ang mga iyon ang dahilan para imulat ko ang aking mga mata nang may ngiti rin sa aking labi.

“Ready ka na ba, France?! Halika na! Lumabas na tayo!” pagyaya na nito sa akin habang malawak ang pagkakangiti nito. Mukhang sa wakas ay natapos na rin siya sa ginagawa sa aking pag-aayos.

Isang buntong-hininga muna ang aking pinakawalan hanggang sa tumayo ako mula sa aking kinauupuan. Mula sa aking likuran ay maingat akong hinawakan sa magkabilang braso ni Weldy upang magkaharap kami.

Nang magtagpo ang aming mga mata ay hindi ko pa rin maiwasan ang mamangha. Para kasing nakaharap pa rin ako sa salamin at repleksyon ko pa rin ang aking nakikita.

“Ang gwapo-gwapo talaga ng kakambal ko!” papuri  na naman sa akin ni Weldy habang inaayos naman ngayon ang suot kong polo. Siya na naman ang nagpahiram sa akin nito. Wala kasi akong dala kahit na anong gamit nang magtungo ako rito sa bahay ni Kuya Michael.

Inayos ko rin ang kanyang suot na polo.

“Mas gwapo ka kaya!” nakangiti ko na ngayong papuri sa kanya pabalik. Naging dahilan tuloy iyon para matawa kaming magkapatid.

“Tara na nga! Lumabas na tayo para mas marami tayong mapuntahan sa mall!” muli na nitong pagyaya sa akin. Kasunod din nito ay mabilis na naman ako nitong hinalikan sa labi.

Hindi ko alam kung dapat ko na bang sanayin ang aking sarili sa mga ginagawa sa akin ni Weldy. Masyado siyang malambing na bago talaga sa akin.

Napangiti ako sa aking iniisip. Talagang bago ang bagay na ito sa akin, dahil ngayon ko pa lang nakapiling ang aking kapatid. Sa matagal naming paghahanap sa isa’t isa, susulitin talaga namin ang mga oras na nasayang namin noong hindi pa kami magkasama.

Hawak ang kamay ko ay nagsimula na kaming maglakad ni Weldy upang makalabas mula rito sa kwarto. Siya ang nauuna dahil base sa kanyang plano, siya ang tatawag sa atensyon ni Kuya Michael na nasa unang palapag nitong bahay ngayon.

“Kuya Michael! Kuya Michael, bilisan mo! Umakyat ka muna rito!” malakas na pagtawag ni Weldy na umalingawngaw sa buong kabahayan. “Halika na, France! Tumayo na tayo nang tuwid!” utos naman nitong nagmamadali sa akin.

Wala na nga akong nagawa kundi ang mapasunod na lamang sa kanya. Ako na ang nagsarado ng pintuan sa kwarto at agad na tumabi sa kanyang kinatatayuan.

Narinig na namin ang mabibigat at mabibilis na pagyapak mula sa hagdanan. Mukhang nagmamadali ang taong iyon na makarating dito sa ikalawang palapag.

“Weldy! France! Anong nangyar––” hindi na naituloy ni Kuya Michael ang itatanong nang masilayan kaming magkapatid. Rumehistro rin sa kanya ang labis na pagkasorpresa at salitan kaming pinagmasdan ni Weldy.

Mukhang umaayon sa plano ni Weldy ang lahat kaya hindi namin napigilan ang matawa nang mahina.

Naramdaman ko ang paghigpit ng pagkakakawak ni Weldy sa aking kamay. Iyon na rin ang hudyat para sabihin kay Kuya Michael ang aming pakay.

Sa masigla naming boses ni Weldy habang nakaharap kami kay Kuya Michael, halos isigaw na namin ang aming katanungan nang magkasabay.

“Kuya! Sino si France at sino si Weldy sa amin?! Hulaan mo nga?!”

Ito ang naisip ni Weldy — ang asarin namin si Kuya Michael at bigyan ng palaisipan. Siniguro ni Weldy na pahihirapan talaga si Kuya Michael sa pagkilala sa amin nito. Dahil sa ginawang pag-aayos sa akin ni Weldy kanina, animo’y iisa na talaga ang imahe namin nito.

Hindi maikakaila sa reaksyon ni Kuya Michael ang labis na pagkabigla. Kitang-kita rin sa kanya na siya ay nagugulan. Naging dahilan tuloy iyon para muli kaming matawa nang malakas na magkakambal. Mukhang epektibo talaga ang naisip ni Weldy na plano.

“Pinaglalaruan n’yo ba akong dalawa?!” tanong na ni Kuya Michael at halatang naiinis na.

“Medyo lang naman!” magkasabay pa rin namin na sagot ni Weldy. Dahil sa kilala na ni Weldy ang kinagisnan niyang kapatid, alam na rin nito ang magiging reaksyon nito. Kaya maging ang aming isasagot kay Kuya Michael ay inensayo na rin namin noong kami ay nasa loob ng kwarto.

Nagdikit ang mga ngipin ni Kuya Michael at mukhang nagpipigil na ng inis ito. Ilang segundo rin siyang hindi nagsalita hanggang sa ihilamos niya ang kanyang mga palad sa kanyang mukha. Pero kasunod ng kilos niyang iyon ay inilagay niya rin ang kanyang hintuturo sa unahan.

“Ikaw si Weldy! At ikaw naman si France!” pagturo ni Kuya Michael sa aming magkakambal.

Dahil sa naganap ay lalo nang umalingawngaw ang malakas naming tawa ni Weldy sa buong bahay.

“Anong nakakatawa?! Tama naman ako, ’di ba?!” halos pasigaw nang pagtatanong sa amin ni Kuya Michael.

“Mali!” sabay na namang sagot namin ni Weldy.

Hindi ko akalaing kahit pala matagal na silang nagkasamang dalawa ay magkakamali pa rin si Kuya Michael na kilalanin si Weldy.

“Ako si Weldy, Kuya!” turo ni Weldy sa sarili niya.

“Ako naman si France, Kuya!” segunda ko naman.

Nagkamali nga si Kuya Michael sa panghuhula. Dahil din siguro sa pareho ang ayos ng buhok namin ngayon ni Weldy ay nahirapan siyang kilalanin kaming dalawa.

“The heck?! Are you f*ckin’ serious?!” biglang sambit ni Kuya Michael na hindi ko naman naintindihan ang ibig sabihin.

“Uh-uh! Cussing is not allowed in this house, Kuya, remember?” mabilis naman na sagot ni Weldy habang nakataas na ngayon ang isa niyang kilay. Parang medyo nainis din siya. Pero dahil sa sinabi niyang iyon ay mukhang nakumbinsi na rin sa wakas si Kuya Michael na siya talaga si Weldy. Hindi nga naman kasi ako makakapag-ingles samantalang napakadali lang no’n para kay Weldy.

“Fine, fine! I’m sorry.” animo’y pagsuko na lamang ni Kuya Michael sa amin.

Mabilis naman na ngumiti si Weldy. Mukhang maayos na agad siya at hindi na siya naiinis. Kasunod nito ay mabilis siyang kumilos para makalapit kay Kuya Michael. At dahil sa magkahawak pa rin ang aming mga kamay ay nakasunod din ako sa aking kapatid.

“Aalis na kami, Kuya! Pahiram na ako ng credit card mo! Naka-close na ang account ko, eh! ’Wag kang magrereklmo dahil ikaw rin naman ang nagpa-close no’n!” pakikipag-usap ni Weldy kay Kuya Michael habang nakalahad ang isa nitong palad.

“Yeah, right…” tila pagsuko pa rin na sagot ni Kuya Michael sa kanya. Kasunod nito ay kinuha rin nito ang kanyang wallet mula sa bulsa.

“Pwede ba naming ubusin ang laman nito, Kuya?!” masigla pa rin na tanong ni Weldy nang makuha ang tinutukoy niyang credit card.

Napangiwi si Kuya Michael sa narinig.

“Weldy, alam mong hindi n’yo kayang ubusin ang laman niyan sa loob lang ng isang araw. Maliban na lang kung may mabibili kang ekta-ektaryang villa na tatanggap ng payment thru credit card?” tila ba sarkastiko at naghahamong balik ni Kuya Michael sa aking kakambal.

Sa pagkakataong ito ay si Weldy naman ang napangiwi.

“Ang yabang naman!” sambit nitong nakasimangot. Naging dahilan tuloy iyon para tawanan siya ni Kuya Michael.

“I’m just kidding!” si Kuya Michael pa rin na aliw na aliw.

Wala talaga akong masyadong naintindihan sa kanilang pag-uusap. Ang malinaw lang sa akin ay gagamitin namin ang credit card ni Kuya Michael para sa aming pupuntahan. Kasalukuyan pa raw kasing inaayos ni Weldy ang kanyang mga dokumento sa pagkuha nito kaya wala pa raw siyang sariling perang hawak.

Makailang sandali pa ay muli akong hinatak ni Weldy upang makaharap si Kuya Michael.

“France, manghingi ka rin kay Kuya ng pera, bilis!” biglang utos sa akin ni Weldy na labis kong ikinasorpresa.

“Ha?! B-bakit?! Ayaw ko nga! Saka may gagamitin na tayong pambayad sa pupuntahan natin, ’di ba?!” pagkontra ko sa kanya.

“Sige na! Saka para may pocket money tayo! Paano kung hindi gumana ang credit card?! Wala tayong extra na dala!” paliwanag naman nito.

Hindi talaga ako sang-ayon sa kanyang ideya. Isa pa, wala naman sa usapan namin ’yon, ah? Ang sabi niya, siya na raw ang bahala. Bakit ako manghihingi ng pera kay Kuya Michael? Ayaw kong nanghihingi sa ibang tao lalo na kung pera iyon.

Mukhang napansin ni Weldy na nag-aalinlangan ako. Niyakap niya ako sa bewang at ipinatong ang baba nito sa balikat ko.

“Nahihiya ka ba, France? ’Wag kang mahiya. Kuya naman natin siya, eh. Responsibilidad niya tayong dalawa. Saka galante ’yan kaya samantalahin mo na! Sige ka, ’pag wala tayong cash na dala, baka hindi tayo makakain mamaya? Mawawalan ng saysay ang pamamasyal nating dalawa. Gusto mo ba ’yon?” halos pabulong nang pagkumbinsi sa akin ni Weldy at animo’y nangongonsensiya pa ito.

Hindi naman ako nakaimik sa kanyang naging pahayag. Siyempre, ayaw ko siyang magugutom. Ayos lang sana kung ako lang ang hindi makakakain, pero siya na hindi makakainom ng gamot kung walang laman ang tiyan ay hindi ko kakayaning tiisin na gutumin.

Dahan-dahan ay nilingon ko si Kuya Michael. Naririto pa rin siya na tila naghihintay sa aking sasabihin. Mayroon sa kanyang labi na tila pinipigilan ang ngumiti.

“K-kuya..?” pagtawag kong nag-aalangan dito.

“Hhmm?” sagot naman niya na tila anumang oras ay tatawa na talaga siya.

“P-pahingi… Pahingi ng pera?” lakas-loob ko nang pakiusap at inilahad na rin ang aking isang palad tulad ng ginawa ng kakambal ko kanina.

Tuluyan na ngang hindi napigilan ni Kuya Michael ang matawa. Maging si Weldy ay aliw na aliw sa akin dahil sigurado akong namumula ngayon ang aking mga pisngi dahil sa hiya.

Wala nang pagdadalawang-isip si Kuya Michael na muling buklatin ang makapal na wallet niya. Hindi lang iyon, dahil maging sa kanyang bulsa ay may kinuha pa itong isang sobre na hindi ko alam ang laman. Habang natatawa rin ito ay inabot niya iyon sa akin maging ang pera na nagmula sa wallet nito.

“’Wag kang mag-alala! Ine-expect ko na rin ’to, France! Kaya nga bago kayo makalabas ng kwarto, inihanda ko na rin ’yan. And besides, talagang kakailanganin n’yo ’yan. Mag-enjoy lang kayong dalawa, ha? Tumawag lang kayo sa akin kung may kakailanganin kayo, okay?” mahabang paalala ni Kuya Michael sa amin.

Binuklat ko ang laman ng sobre na kanyang ibinigay.

“Hala, Weldy! Ang dami!” gulat na gulat kong reaksyon nang makita ang makapal na perang nasa loob niyon. Tag-iisang libo at hindi kayang bilangin nang isang tinginan lang.

Tila hindi naman na nagulat si Weldy. Nakangiti lang ito na isinara ang hawak kong sobre. Ganito siguro talaga silang mayayaman — walang pakialam sa malaking perang nahahawakan. Samantalang kung pagbabasehan ang aking nakasanayan, baka ibinaon ko na ito sa lupa para lang walang makakakita.

“Gastusin natin lahat ’yan, France!” tuwang-tuwang sambit ni Weldy bago hinarap si Kuya Michael. “Salamat, Kuya! Pasasalubungan ka na lang namin! Next time ka na lang sumama, ha?! Sa ngayon, kaming dalawa muna!” pakikipag-usap niya pa rito.

“Right, right! Basta, Weldy, mag-iingat ka rin sa pagmamaneho, ha? Mabuti at hindi pa expired ang lisensiya mo. Hihintayin ko na lang kayo. Balitaan n’yo na lang ako paminsan-minsan para alam ko kung okay lang kayo.” muling pagbibilin nito sa amin.

“Siyempre naman, Kuya! Sakay ko kaya ang kakambal ko kaya magdodoble-ingat talaga ako!” may pagmamalaking sagot naman ni Weldy sa kanya.

“Ikaw naman, France,” pakikipag-usap na ngayon sa akin ni Kuya Michael. Doon ko na lang din siya nilingon dahil nakatulala pa rin ako hanggang ngayon sa sobre at sa perang nanggaling sa wallet niya. “Ingatan mo rin itong kapatid mo. Ikaw na ang bahalang magpa-inom ng gamot sa kanya mamaya. Ingatan mo rin na ’wag siyang mapapagod.” paalala na nito sa akin.

Tumango-tango ako bilang pagsagot. Nasabihan na rin kasi ako ni Weldy kung anong oras siya dapat na uminom ng gamot. Kailangan kong maging alerto para sa kakambal ko. Ayaw kong sumpungin ito ng hika habang nasa kalagitnaan kami ng pamamasyal nito.

Sandali pa kaming kinausap ni Kuya Michael para sa ilan pa niyang paalala. Matapos din iyon ay inihatid pa niya kami ni Weldy sa garahe kung saan ipapagamit niya sa amin ang isa niyang kotse. Halos magkapikunan pa silang dalawa dahil paulit-ulit ang paalala ni Kuya Michael kay Weldy na ayusin ang pagmamaneho. Nagtatalo sila dahil naririndi na si Weldy sa kanya. Ako naman ay aliw na aliw lang habang pinapanood sila.

Nagyaya si Weldy na lumabas kami ngayon. Hindi ko alam kung ano ang kanyang plano, pero sinabi nitong marami siyang gustong gawin naming dalawa sa mall kung saan kami magtutungo.

Kung tungkol naman kay Oliver at sa mga bata, si Kuya Michael na rin ang kumausap sa kanila. Siniguro rin nitong hindi sila mag-aalala mula sa isang araw na pagkawala ko sa kanilang bahay.

Habang binabaybay namin ang daan patungo sa mall na aming pupuntahan, hindi nagsawa si Weldy na tanungin ako tungkol sa sari-saring bagay — mga paborito kong kainin, mga paborito kong artista, lugar na nais kong marating, at kahit ang maliliit na bagay ay inaalam niya. Hindi ko na ipinagtataka iyon dahil ngayon pa lamang namin lubusang kinikilala ang isa’t isa. Maging ako ay hindi napipigilan ang bibig sa pagiging madaldal habang ibinabalik sa kanya ang mga tanong niya. Komportableng-komportable na rin agad kami sa isa’t isa. Dala na rin siguro ng pagiging malambing at masiglang kausap ni Weldy, kung minsan ay ako na rin mismo ang sa kanya ay naglalambing.

Narating namin ang malaking mall na naisip niyang puntahan. May kalayuan ito sa aming kanya-kanyang tinitirahan at ngayon pa lang din ito narating ng aking mga paa.

Sa bagay na iyon ay kinailangan ko siyang intindihin kung bakit malayo ang aming pinasyalan. Alam kong umiiwas siya kina Oliver maging sa mga bata na siya ay makita. Hindi pa namin napag-uusapan ang tungkol sa bagay na iyon. Sa mga oras ito kasi, sinusulit muna namin ang mga sandaling nawala sa amin noon.

Pagpasok pa lamang namin ng mall ay napansin kong nakakaagaw na kami ng atensyon. Marami ang namamangha lalo na at hindi naghihiwalay sa pagkakahawak ang aming mga kamay. Pinagtitinginan din kami ng mga taong nakakasalubong namin at sila ay napapangiti. Ang ilan nga ay hindi pa napigilan ang kami ay batiin at paulit-ulit na purihin.

“Ang cute n’yo naman!”

“Wow! Magkamukhang-magkamukha kayo, mga Kuya!”

“Sir, pwede ko ba kayong kuhanan ng picture?!”

Lahat ng iyon ay ilang beses din naming na-engkwentro ni Weldy. Tinutugunan na lamang namin sila ng aming mga ngiti.

“Ayos ka lang, France?” tanong niya sa akin habang nasa loob kami ng isang restaurant. Pinili naming kumain muna dahil tanging tinapay at gatas lamang ang aming inalmusal. Ito pa lamang ang simula ng aming pamamasyal.

“Oo naman! Ikaw ba? Baka napapagod ka na, ha? Sabihin mo lang! Pagagalitan ko ang mga nangungulit sa atin!” sagot ko naman sa kanya.

Tinugon niya lamang ako ng mahinang pagtawa. Mukhang ayos lang naman siya at sanay na rin sa mga pangungulit at papuring natatanggap. Hindi na rin nakakapagtaka iyon dahil kumpara sa akin, mas mahaba ang kanyang pasensiya. Lagi kasi siyang nakangiti at mukhang mahirap siyang galitin.

“France, subukan mo itong pasta ko! Masarap ’to!” utos niya habang nakaangat ang kanyang tinidor na may pagkaing kanyang tinutukoy.

Isinubo ko naman iyon nang walang pag-aalinlangan. At tulad nga ng kanyang sinabi, masarap ito kaya naman agad ko iyong nagustuhan.

“O, ’di ba?! Sabi sa ’yo, masarap, eh!” pagmamalaki niya sa akin. “Paborito ko ’yan kaya dapat paborito mo na rin ’yan. ’Pag may naging paborito ka naman sa mga pagkaing in-order natin ngayon, magiging paborito ko na rin ’yon. Dapat pareho tayo ng mga magiging paborito, ha? Naiintindihan mo ba, kambal?” mahaba pa nitong pahayag.

Isang malakas na tawa lamang ang aking naging kasagutan. Para kasi siyang bata sa paraan ng kanyang pagsasalita.

“Seryoso ako, France! ’Wag mo akong tinatawanan!” pagsaway niya sa akin. “O, heto, kumain ka pa! Subuan mo rin ako ng kinakain mo! Tapos, selfie tayo para ipadala natin kay Kuya! Iinggitin lang natin siya!” dugtong niya pang paanyaya.

Naging napakasaya ng aming pagkain sa restaurant. Sa dami nga ng aming mga in-order, hindi namin akalaing mauubos namin iyon nang kaming dalawa lang. Nakatulong din siguro ang masaya naming kuwentuhan kaya hindi namin namalayang wala nang natira sa aming hapag-kainan.

Nagsimula kaming mamili ng aming mga damit. At tulad ng kanyang nais mangyari, kung ano ang napili ng isa sa amin, dapat ay magkapares kami. Magmula sa pang-itaas, pang-ibaba, at maging ang aming mga sapatos ay parehong-pareho ang disenyo. Isinuot na rin namin ang mga una naming pinamili habang nagpapatuloy sa pag-iikot sa bawat tindahang aming papasukin.

Mas lalong lumalawak ang ngiti ni Weldy tuwing makikita ang aming repleksyon sa mga nadadaanan naming salamin. Tuwang-tuwa siya dahil natupad na raw ang pinapangarap niya lang noon na pareho kami ng damit. Pakiramdam niya raw ay naging bata kaming muli. Maliit na bagay kung tutuusin, pero sa tulad naming magkakambal na ngayon lamang nagkita, isa itong napakagandang karanasan na masarap ulit-ulitin.

Kung kanina ay may ilan na sa amin ang namangha, sa pagkakataong ito ay animo’y nagmukha kaming mga artistang pinagtitinginan. Mas nakakaagaw na kami ng atensyon dahil pareho rin ang suot naming magkakambal.

Napakarami ng aming mga pinamili at tinotoo ni Weldy ang balak na ubusin ang perang ibinigay sa amin ni Kuya Michael. Minsan ay nagkakaroon pa kami ng pagtatalo dahil ang mamahal ng mga gamit na kanyang nais bayaran. Nakakaramdam kasi ako ng labis na panghihinayang. Pero dahil sa makulit talaga si Weldy, siya pa rin ang nasusunod sa huli.

Matapos ang aming pamimili ng napakaraming damit ay inilagay muna namin iyon sa pinagamit sa aming kotse ni Kuya Michael. Mahihirapan kasi kaming bitbitin iyon habang namamasyal dahil sadyang napakarami.

Kasunod ng pamimili ay nagtungo naman kami sa lugar na hindi gaanong pamilyar sa akin. Ang nabanggit niya sa akin ay magpapa-facial kami para maging maganda ang aming kutis. Nagtataka lang ako dahil kung tutuusin, hindi na namin iyon kakailanganin. Hindi naman kasi sa pagmamalaki, pero ang aming mga mukha ay natural na maputi at makinis.

Pinagbigyan ko na lamang si Weldy na magpa-facial dahil napakarami niyang naging paliwanag sa akin na hindi ko naman maintindihan. May sinasabi pa siyang para raw maging healthy ang aming mga balat at tatanggalin ang dead skin cells. Oo na lang ako nang oo para hindi na lalong humaba pa ang kanyang paliwanag. Para kasing sumasakit ang aking ulo sa kanyang mga eksplenasyon.

Matagal ang naging proseso, kaya ang nangyari sa akin ay nakatulog ako habang may naghihilot sa mukha ko. Dahil doon ay pinagtawanan ako ni Weldy. Aliw na aliw siya sa akin at hindi na naman napigilang sa akin ay manggigil.

“Manood naman tayo ng sine, France! Ano ba ang gusto mong panoorin?!” panibagong paanyaya sa akin ni Weldy. “Oh, tikman mo naman itong ice cream ko!” sunod niya pang alok at sinubuan na naman ako ng kanyang kinakain.

Hindi ko naman iyon tinanggihan. Hindi rin naman ako makakaiwas lalo na at ang pwesto namin ngayon ay magkatapat.

“Itong ice cream ko, Weldy, tikman mo rin!” alok ko naman sa kanya pabalik at sinubuan din siya ng napili kong sorbetes.

Saglit kaming nagpahinga mula sa matagal naming paglilibot sa loob ng mall. Sa totoo lang, pinilit ko siyang magtungo rito sa tindahan ng ice cream dahil nag-aalala akong baka napapagod na siya. Para kasing ayaw na niyang magpahinga at tuloy-tuloy lang siya sa aming pamamasyal.

“Ano na, France? Anong gusto mong panoorin natin mamaya?” muli niyang tanong sa akin.

Napaisip naman ako. Sigurado naman akong walang palabas na Dora sa sinehan dahil sa telebisyon lang mayroon no’n.

“Ikaw na ang bahalang mamili, Weldy. Ano ba ang gusto mong pinapanood sa sinehan?” sagot ko sa kanya.

“Kahit ano. Kung ano ang paborito mong panoorin, ’yon na rin ang magiging paborito ko.” seryoso niyang sagot habang abala na siya ngayon sa pagpupunas ng aking bibig dahil sa ice cream na marahil ay nagkalat sa bibig ko.

Sa ilang oras na magkasama kami nito ay wala na yatang humpay ang magiging pagtawa ko. Sa mga simpleng bagay na ginagawa at sinasabi ni Weldy ay talagang naaaliw ako.

“Sige, Weldy. Kung may Tagalog na palabas, ’yon na lang ang panoorin natin. Hindi ko kasi maintindindihan ’pag Ingles, eh…”

Hindi ko napigilan ang makaramdam ng hiya lalo na sa huling bahagi ng aking sinabi.

Napansin kong natigilan si Weldy, ngunit mabilis din siyang nakabawi. Kumilos siya para tumayo mula sa kanyang kinauupuan, kasunod nito ay hinawakan niya ang magkabila kong pisngi at ang noo ko ay hinalikan.

“Hayaan mo, France, magiging paborito ko na rin ang Tagalog movies dahil ’yon ang paborito mo!” wika niya sa masiglang tono.

Alam ko naman na pinapagaan niya lang ang kalooban ko, at hindi ko maikakailang iyon ay naging epektibo. Hindi talaga nagmimintis si Weldy na pasayahin ako. May katangian siyang ipasa ang kanyang pagiging positibo.

Nang matapos ang aming pagmemeryenda ay hindi na rin kami nagtagal pa sa tindahang iyon. Hawak pa rin nang mahigpit ang kamay ng isa’t isa ay nagtungo naman kami sa sinehan nitong mall.

Mukhang ayaw naman sumang-ayon sa akin ang pagkakataon nang makarating kami ng sinehan. Wala naman pala kasi ngayong Tagalog na palabas. Matagal-tagal din kaming nag-usap ni Weldy kung ano ang maaari naming panoorin. At sa huli, isang cartoons ang napili namin.

“Animation ’to, France, kaya sigurado akong magugustuhan mo rin!” pagkumbinsi niya sa akin.

“Parang Dora lang naman ’yan, ’di ba?” paniniguro ko naman.

“Parang gano’n! Pero mas buhay na buhay ’tong panoorin!”

“Wateber! Halika na!”

Bumili muna kami ng malaking popcorn at mga inumin bago nagdesisyong pumasok sa sinehan. Nagsimula na rin ang palabas kaya naman tahimik lang kaming nanonood. At ngayong kami ay magkatabing nakaupo, nakapulupot naman ang kanyang mga kamay sa aking isang braso.

“France, ako na ang magsusubo ng popcorn sa ’yo. Manood ka lang, okay?” seryoso niyang utos sa akin.

Wala rin naman akong magagawa dahil kahit sa isang araw lang na magkasama kami nito ay nakilala ko na rin siya kahit paano. Makulit siya at hinding-hindi ako sa kanya mananalo.

Siguro ay may isang oras na rin kaming tahimik na nanonood hanggang sa mapansin kong hindi na niya ako sinusubuan ng popcorn. Dahil doon ay dahan-dahan ko siyang nilingon.

Sa kabila ng madilim na kapaligiran at tanging ang palabas lamang sa sinehan ang nagbibigay liwanag, nakita ko kung saan ngayon abala ang aking kakambal. Hindi naman pala siya ngayon nanonood. Naririto siya at napakasarap ng tulog.

Hindi ko alam kung hanggang kailan ako pasasayahin ni Weldy. Kahit kasi natutulog lamang siya ay binibigyan niya ako ng dahilan para ngumiti.

Sa tingin ko ay napagod din siya sa aming paglilibot kaya naman hinayaan ko na lamang siya. Pero dahil gusto ko rin siyang maging komportable sa pagpapahinga ay gumawa na rin ako ng sariling hakbang.

“Weldy, dito ka humilig sa balikat ko,” bulong ko sa kanya habang dahan-dahang inaalalayan ang kanyang ulo para ipatong iyon sa balikat ko. “Matulog ka lang diyan, ha?” malambing ko pang utos.

Naramdaman ko na mas lalong humigpit ang pagkakayakap niya sa aking braso. Isiniksik niya rin ang kanyang mukha sa leeg ko.

“Uhhmmm… France… Saan ka pupunta..? Dito ka lang… ’Wag mo akong iwan…” narinig ko pang bulong niya habang nakapikit ang kanyang mga mata.

Napangiti ako dahil mukhang nananaginip siya.

“Nandito lang ako, Weldy. Wala akong ibang pupuntahan,” bulong ko rin na pagsagot. Sa pagkakataong ito ay ako na rin ang humalik sa kanyang noo. “Nandito lang ako. Hindi kita iiwan.” dugtong ko pa. Kasunod nito ay inihilig ko na rin ang aking ulo sa kanya ring ulo.

Nagtapos ang aming pinapanood at tulad ng inaasahan, wala akong naintindihan dahil Ingles ang salita. Gano’n pa man, naaliw pa rin naman ako dahil makulay ang mga karakter sa palabas. Isa pa, masaya ako dahil kasama ko ang aking kakambal.

“Nakakainis ka naman, eh! Bakit hindi mo ako ginising?!” buskang nakasimangot ni Weldy nang makalabas na kami sa sinehan.

Natawa naman ako bago nakasagot. Niyakap ko rin siya sa leeg habang naglalakad kami nito.

“Hayaan mo na! Gusto ko rin naman na magpahinga ka!” paglalambing ko naman sa kanya.

Sa pagtatapos ng aming pamamasyal, nagdesisyon muna kami ni Weldy na kumain bago bumalik sa bahay ni Kuya Michael. Matagal-tagal ko rin na sinuyo si Weldy mula sa kanyang pagtatampo. Nanghihinayanga kasi siya dahil hindi niya raw nakita ang aking mga naging reaksyon sa pinapanood namin kanina sa sinehan. Mabuti na lang at nagawa ko rin siyang mapaamo nang mangako akong mauulit pa naman ang aming pamamasyal.

Hindi ko alam kung kailan mauulit muli ang ganitong uri ng aming lakad, pero ang sigurado lang ako, gagawa ako ng paraan upang magawa namin ulit iyon na magkakambal. Masaya akong kasama siya. Pakiramdam ko ay marami pa kaming mapagsasaluhan na masasayang sandali na magkasama.

Matapos ang aming hapunan ay naghanap muna kami ng maiuuwing pasalubong para kay Kuya Michael. Kung hindi ko pa nga pinaalala kay Weldy ang bagay na iyon, talagang makakalimutan na niya ang aming Kuya. Masyado raw kasi siyang naging masaya sa pamamasyal naming dalawa kaya nawala na iyon sa isip niya.

Hindi talaga kami naubusan ng mapag-uusapan ni Weldy, dahil kahit ang biyahe namin pauwi sa bahay ni Kuya Michael ay hindi naging tahimik. Marami kaming pinag-usapan tungkol sa mga lugar na maaari pa naming puntahan. Ang kailangan lang daw namin ay ayusin ang oras kung paano kami magkikita.

Madilim na ang paligid nang makabalik kami sa bahay ni Kuya Michael. Sa dami ng aming pinamili ni Weldy, hindi namin iyon magawang bitbitin lahat kahit pa magkatulong kami. Nagdesisyon na lamang kaming pumasok muna sa bahay upang makahingi na rin ng tulong mula kay Kuya Michael.

Sa pagpasok naming magkapatid ay naabutan namin si Kuya Michael na nasa malaking sala. May kausap ito sa kanyang telepono at seryoso ang kanyang ekspresyon base sa aming nakikita.

Nang makita rin ni Kuya Michael ang imahe namin ni Weldy ay hindi rin niya naitago ang kanyang pagkasorpresa. Mukhang hindi rin niya namalayan na nakabalik na kaming magkakambal.

“Kuya Micha—” pagtawag sana ni Weldy sa kanya ngunit hindi iyon naituloy. Mabilis kasi na inilagay ni Kuya Michael ang kanyang hintuturo sa ibabaw ng kanyang bibig — sensyales iyon na nais niya muna kaming manahimik.

Gumuhit ang pagtataka sa amin ni Weldy at nagkatinginan pa kami, ngunit kasunod nito ay nagpatuloy na rin kami sa paglalakad papasok nang tahimik. Narating din namin ang malaking sofa at umupo kami roon ni Weldy nang magkatabi.

“Hayaan mo lang si Kuya,” bulong sa akin ni Weldy. “Baka tungkol lang sa trabaho ’yan? Baka mga kasamahan niyang doktor ’yan? Ayusin na lang natin ’tong mga pinamili natin.” nakangiti pa niyang utos sa akin.

Ganoon na nga ang nangyari. Hindi namin binigyan pa ng pansin ang pakikipag-usap sa telepono ni Kuya Michael. Naging abala na lamang kami na alisin mula sa pagkakabalot ang aming mga pinamili. Gusto rin kasi iyong ipagmalaki ni Weldy kay Kuya Michael lalo na at magkakapares ang aming mga damit.

“N-nandito siya sa tabi ko, Oliver… Kakausapin mo ba..?”

Natigilan kami sa pagkilos ni Weldy nang marinig namin iyon mula kay Kuya Michael. Dahan-dahan ay nagkatinginan din  kaming magkapatid.

Binalot ako ng pag-aalala dahil doon. Hindi ko magawang makakilos o makapagbigay man lang ng reaksyon.

Isang buong araw akong nawala sa bahay ni Oliver. Dahil sa aming naging pagtatalo, hindi rin kami nagkaroon ng pagkakataong magkausap nang maayos. Umalis akong magulo ang isip at masama ang loob. At hanggang ngayon, wala pa rin akong tapang na kausapin ito.

Hindi ko alam kung ano ang nasa likod ng isip ni Weldy. Hindi ko iyon mabasa kahit pa nakatingin ako nang diretso sa kanyang mga mata. Ngunit nang makita ko ang paglunok niya ay nakakuha ako roon ng ideya.

Tulad ko, alam kong kinabahan din siya. Alam kong mabilis din siyang nakaramdam ng pag-aalala.

“France,” biglang pagtawag sa akin ni Kuya Michael sa tonong nag-aalala. “Gusto ka raw kausapin ni Oliver… Kasama rin niya ang mga bata…” dugtong pa nitong pagbabalita. Nakahanda na rin ang kanyang mga kamay upang ibigay sa akin ang teleponong hawak niya.

Kung kanina ay nag-aalala lang ako, ngayon ay parang gusto ko na lamang maglaho rito.

Naramdaman ko ang panginginig ng buong katawan ko. Ang aking masayang araw na kasama si Weldy ay tila ba bigla na lamang naglaho. Napalitan ang aking masayang pakiramdam ng matinding takot.

Ito ang hindi pa namin napaghahandaang lahat. Paano ko ngayon kakausapin si Oliver? Paano ko maitatago sa kanya ang katotohanang kasama ko na ngayon ang taong minsan nang naging mahalaga sa kanya? Dapat ko pa rin bang ipagpilitan sa kanyang sabihin na nagbalik na siya? Pero base sa pakiusap ni Weldy sa akin, ayaw niya iyong ipaalam sa kanila.

Naguguluhan ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Naiipit ako sa hindi magandang sitwasyon.

Hindi ko alam kung ilang segundo akong walang kibo, nagising na lamang ako mula sa mahabang pagkakatulala nang maramdaman ko ang mainit na haplos ng palad sa pisngi ko.

“France,” malambing na bulong sa akin ni Weldy. Magkalapit din ang aming mukha at iniiwasan niyang marinig ang kanyang tinig. “Kausapin mo siya. Nag-aalala na siya at ang mga bata. Kailangan mo lang sabihin sa kanya na nasa maayos kang kalagayan. Iyon lang ang kailangan mong gawin.” mahaba pa nitong pagkumbinsi sa akin habang nakangiti.

“P-pero––” pagtutol ko sana ngunit hindi naging matagumpay. Mula kasi sa aking pisngi ay ipinatong niya ang kanyang isang daliri sa ibabaw ng aking labi.

“’Wag mo akong alalahanin,” pagputol sa akin ni Weldy at sinikap niyang mas palawakin ang kanyang ngiti. “Sige na, kausapin mo na siya. Pero nakikiusap din ako, ’wag na ’wag mong ipapaalam sa kanyang magkasama tayo. Please..?” pagsusumamo pa nito.

Napalunok ako dahil sa kanyang naging pakiusap. Hanggang ngayon ay nagtatalo pa rin ang aking isip kung ang sitwasyong nais niyang mangyari ay mali ba o tama. Pero tuwing nakikita ko ang nakikiusap na mga mata ni Weldy, mayroon sa akin na bahagyang nakukumbinsi na siya ay pagbigyan.

Dahan-dahan akong kumilos para harapin si Kuya Michael. Kasunod nito ay unti-unti ko rin na inangat ang aking nanginginig na kamay upang abutin ang telepono kung saan naghihintay sa kabilang linya si Oliver.

“H-hello..?” nag-aalangan kong pagsagot sa telepono.

“Hello?!” may kalakasang pagsagot ni Oliver mula sa kabilang linya. Base sa kanyang tinig, nananabik na siyang ako ay makausap.

Iyon pa lamang ang mga salitang narinig ko mula kay Oliver, pero parang sasabog na ang aking dibdib dahil sa halo-halong dahilan.

Kinakabahan ako. Aaminin ko rin na hindi ako komportableng nag-uusap kaming dalawa ni Oliver habang katabi ko ang dating asawa nito. Pero sa kabila nito, hindi ko rin maiwasang makaramdam ng saya dahil muli kong narinig ang boses ni Oliver. Ang tinig niyang isang araw ko rin na hindi napakinggan, tila ba gusto ko na iyong marinig sa personal.

“Nami-miss na kita… Nami-miss ka na namin ng mga bata… Galit ka pa rin ba sa akin..? I’m sorry, okay..? Pag-usapan naman natin ang problema… Nag-aalala na rin kasi ang mga bata…” malungkot pa rin na pangungumusta sa akin ni Oliver. Sa bawat salita rin na kanyang binibigkas, dama ko ang matindi niyang pangungulila.

Muli kong nilingon si Weldy sa aking tabi. Naririto pa rin siya at sinisikap na ngumiti. Paulit-ulit na tumatango bilang pagkumbinsi na ayos lang siya at wala akong dapat na alalahanin.

“A-ayos lang naman ako… Kumusta kayo riyan? Ang mga bata? Kumain na ba sila?” nauutal kong pangungumusta pabalik kay Oliver. Naisip ko rin kasi na sa mga oras na ito, dapat ay nakapaghapunan na sila.

“Ayos lang sila. Nandito sila ngayon sa tabi ko at naghihintay na makausap ka.” sagot naman niya.

“Papa! Miss ka na namin ni Marl!” sigaw ni Kryz mula sa kabilang linya.

“Papa! Uwi ka na po, please?! ’Wag na po natin bati si Daddy kung inaaway ka niya!” nakakaaliw naman na segunda ni Marl.

Sa tingin ko ay naging maayos ang pakikipag-usap ni Oliver sa kanila. Mukhang napag-usapan din naman nang maayos nina Oliver at Kuya Michael ang sasabihin sa mga bata dahil walang bakas ng pag-aalala mula sa mga bata.

Hindi ko maiwasan ang bahagyang matawa nang marinig ko ang boses nina Kryz at Marl. May kakayahan talaga silang dalawa na alisin ang bigat ng aking nararamdaman.

“Ayos lang ako rito… Wala kayong dapat na ipag-alala sa akin.” medyo masigla na rin ang boses kong sagot sa tanong ni Oliver.

Tiningnan kong muli si Weldy mula sa aking tabi. Tumango ito sa akin senyales na ipagpatuloy ko lamang ang pakikipag-usap kina Oliver nang nakangiti.

Kasunod ng ginawang iyon ni Weldy ay nilingon naman niya si Kuya Michael. Sinenyasan niya ito na umupo rin sa kanyang tabi upang ipagmalaki ang aming mga pinamili. Malugod naman siyang pinagbigyan ni Kuya Michael kaya tatlo na kami ngayon na nakaupo sa malambot at malapad na sofa.

Tahimik na inabala ni Weldy ang kanyang sarili sa pagpapakita kay Kuya Michael ng aming mga pinamili. Bahagya akong tinalikuran ni Weldy upang harapin sa kanyang tabi si Kuya Michael. Iyon na rin ang ginamit kong pagkakataon upang magpatuloy sa pakikipag-usap kay Oliver.

“Kailan kita susunduin diyan sa bahay ni Michael? Bukas ba?! Isasama ko na rin ang mga bata! Ano ba ang gusto mong kainin pag-uwi rito sa bahay? Ipapaluto ko kina Aning at Loca! Gusto mo bang mamasyal tayo sa susunod na araw kasama ang mga bata?! Saan mo ba gustong magpunta?!” sunod-sunod na tanong ni Oliver.

Pigilan ko man ang hindi mapangiti ay hindi rin ako naging matagumpay. Alam kong may kinakaharap pa kaming suliranin, pero tuwing ganito si Oliver, nawawala rin agad ang aking mga alalahanin. Nakakalimot din ako sa sarili. Pakiramdam ko ay kami na lamang ang taong naninirahan sa sarili naming daigdig.

“’Wag na… Ako na lang ang magluluto para sa inyo… Mas gusto ko ’yon…” sagot ko na ngayong nakangiti kay Oliver.

“Talaga?!” mas masigla na ngayong reaksyon ni Oliver. “Nami-miss ko na nga agad ang luto mo, e! ’Wag mong bibigyan ang dalawang bata-batuta rito sa tabi ko, ha?! Inaagawan kasi nila ako ngayon ng telepono kahit hindi pa kami tapos mag-usap ng Papa nila!” natatawa na ngayong pang-aasar ni Oliver sa dalawang bata.

“Daddy?! How could you?!” nadinig kong reklamo ni Kryz sa naiinis niyang tono.

“Please, Daddy?! Let me talk to Papa na kasi!” si Marl naman na tila ba nagdadabog ngayon.

Tuluyan na nga silang nagkagulo dahil sa pagtatalo sa kabilang linya. Halos marindi na rin ako dahil sa lakas ng tawa ni Oliver habang inaasar ang mga anak nito.

Naging abala ako sa pakikinig sa kanila, at sa kanilang bawat pagtatalo ay hindi ko na namalayang nasusundan na rin pala iyon ng aking pagtawa.

“Tama na ’yan, Daddy! Baka umiyak na sila niyan?! Ipakausap mo na sila sa akin bago pa kayo magkapikunan!” natatawang pagsaway ko na kay Oliver.

“Oo na, oo na! Sumasakit na rin ang katawan ko dahil pinagtutulungan na nila akong dalawa!” natatawa pa rin na pagsuko ni Oliver. “Miss na miss na kita! I love you! I love you! I love you!” pahabol pa nito sa masiglang tono. Ang mga kataga rin niyang iyon ang naghatid sa akin sa mala-paraisong mundo.

“I Love you, too, Daddy… I love y––”

Hindi ko na naituloy ang pagsasalita nang may isang bagay ang nalaglag sa sahig. Naging dahilan tuloy iyon para mapapitlag ako na animo’y nagising ako mula sa isang panaginip.

Nang lingunin ko iyon ay ang kahon pala na may lamang relo namin ni Weldy. Isa iyon sa maraming bagay na kanina ay aming pinamili.

Hindi ko makita ang ekspresyon ni Weldy dahil nanatili itong nakatalikod sa akin, ngunit nang silipin ko si Kuya Michael na nakatapat ang pwesto sa akin ay nakita kong nakatitig lamang ito nang seryoso sa aking kapatid.

“Sorry, nalaglag ko.” bigla na lamang pagbawi ni Kuya Michael. Kasunod din nito ay kinuha niya ang kahon mula sa sahig.

Matapos ang senaryong iyon ay kapansin-pansing hindi na muli pang kumilos ang dalawa. Binalot na rin sila ng katahimikan habang magkatapat.

Habang nakatingin ako kina Kuya Michael at Weldy, ngayon ko napagtagpi-tagpi ang mga nangyari. Naging manhid ako. Pakiramdam ko ay naging makasarili ako. Masyado akong nadala sa pakikipag-usap kay Oliver kaya nakalimot akong hindi lamang ako nag-iisa rito.

“Hello, Papa?! Si Kryz po ito! Naka-loud speaker na kami kaya maririnig ka na namin ni Marl! Miss na kita, Papa!”

“Papa! Mas na-miss po kita! Si Marl po ito! Uuwi ka na po ba?!”

Ang pagsasalitang iyon ng dalawang bata mula sa kabilang linya ang nagpabalik sa akin mula sa pagkakatulala.

“H-hello, Kryz..? Hello, Marl..?” may kahinaan ang boses kong pagsagot sa kanila.

“Papa!” sabay nilang pagtawag sa akin sa napakasigla nilang boses. “Uwi ka na po, please?!” pahabol pa ni Marl.

Bigla na naman akong naguluhan. Ngayong hindi ko makita ang mukha ni Weldy, pakiramdam ko ay mayroon itong itinatagong damdamin.

“Kryz, Marl, sandali lang, ha..? Babalikan ko kayo… ’Wag n’yong ibababa ang tawag…” utos ko na ngayon sa dalawang bata.

Hindi ko alam kung tama ba itong aking ginagawa, ngunit matapos kong sabihin iyon sa mga bata ay natagpuan ko na lamang ang aking sarili na inilalayo sa tainga ang teleponong aking hawak. Kasunod naman nito ay lumapit ako kay Weldy para bulungan.

“Weldy..? G-gusto mo bang… Gusto mo bang kausapin sina Kryz at Marl..?”

Nanaig sa akin ang malasakit sa aking kakambal. Alam kong nangungulila na siya sa mga bata. Kahit pa paulit-ulit niya sa akin na sabihing hindi siya magpapakita sa kanila, alam kong gusto na rin niya silang makausap kahit minsan lang. Hindi rin niya maitatago sa akin ang pagnanais niyang iyon, dahil nakita ko iyon sa kanyang lumuluhang mga mata noong una kaming magkita at pinapanood niya kami sa loob ng restaurant.

Nasaksihan ko kung paano napapitlag si Weldy, ngunit kahit ganoon ay hindi niya ako nagawang lingunin.

“Weldy, hindi naman nila mapapansin na ikaw ’yan… Magkaboses naman tayo, ’di ba..? Kausapin mo lang sila kahit saglit lang…” pagkumbinsi ko na ngayon sa kanya.

May ilang segundo ang lumipas hanggang sa magawa na akong lingunin nang unti-unti ni Weldy. At nang magtagpo ang aming mga mata, doon ko nakumpirma — nangungulila na nga siya dahil sa tuloy-tuloy na pag-agos ng kanyang mga luha.

Tumango si Weldy nang maraming beses at ngumiti nang napakatamis. Kasunod nito ay tinanggap niya mula sa akin ang telepono nang walang pagdadalawang-isip.

Isang malalim na buntong-hininga muna ang ginawa ni Weldy para pakalmahin ang sarili.

“H-hello..?” pagsagot na niya sa tawag nina Kryz at Marl.

Hindi ko marinig ang sinasabi ng dalawang bata mula sa kabilang linya. Naging abala na lamang ako na tinititigan ang aking kakambal.

“Okay lang ako… Kayo ba..?” tanong pa ni Weldy sa kanila. Marahil ay kinukumusta na nila ako sa pag-aakalang ako pa rin ang kanilang kausap.

“M-miss ko na rin kayo… Miss na miss ko na kayong dalawa… M-miss na miss na kayo ni Papa…” pagpapatuloy pa rin ni Weldy at mabilis na tinakpan ang kanyang bibig gamit ang isa niyang palad. Kinailangan niyang gawin iyon para hindi marinig sa kabilang linya ang paghagulgol niya.

Parang pinupunit nang pira-piraso ang aking puso habang nakikita ko si Weldy ngayon. Hindi na niya tuluyan pang naitago ang lungkot dahil wala sa kanyang tabi ang mga anak na inalagaan niya ng maraming taon.

Dahil sa mga pangyayari ay hindi ko na rin naiwasan ang lumuha. Unti-unti kong naramdaman ang pagsisisi dahil parang may malaki akong kasalanan sa kanila. Pakiramdam ko ay ako ang dapat sisihin dahil sa kanilang paghihiwalay. Kung hindi siguro ako dumating sa kanilang mga buhay, marahil ay hindi mangyayari ang ganitong bagay?

Dahil sa bigat ng sitwasyon ngayon ay nakita ko kung paano mabilis na kumilos si Kuya Michael. Nagtungo ito sa aming tapat ni Weldy at lumuhod sa pagitan naming magkapatid.

Bakas ang matinding pag-aalala mula kay Kuya Michael. Naging alerto rin siya upang pakalmahin kaming dalawa ni Weldy. Paulit-ulit niyang hinaplos ang likod namin dahil pareho kaming lumuluha na magkapatid.

Dahil sa ginawa ni Kuya Michael ay naligaw sa akin ang paningin ni Weldy. Agad ko naman na iniwas ang aking mga mata sa kanya dahil hindi ko siya magawang tingnan nang tuwid.

Nahihiya ako sa kanya. Ako ang dahilan ng kanyang mga pagluha. Ako ang sanhi ng kanyang paghihirap.

“No, baby… Hindi ako umiiyak… Masaya lang si Papa dahil nakausap ko kayong dalawa…”

Matapos sabihin iyon ni Weldy sa mga bata ay nasorpresa ako dahil agad din niya akong niyakap — yakap na mahigpit; Yakap na puno ng pagdamay at pag-intindi.

Tinugunan ko rin ng mahigpit na yakap si Weldy. Siniguro ko rin na sa pamamagitan nito ay makukuha niya ang aking mga mensahe — paghingi ng tawad dahil sa hindi sinasadyang pagkakamali; Labis na pagsisisi sa nangyayari; At ang huli, ang katotohanang hindi ko ito pinili.

“K-kryz, Marl… Kakausapin ko na lang kayo ulit, ha..? Kailangan na kasing ibaba ni Papa ang telepono dahil lowbat… Magkita na lang tayo bukas…”

“M-matulog na rin kayo… Makinig kayo sa Daddy ninyo… ’Wag magpapasaway… Matulog din kayo nang maaga…”

“Opo… I love you, too… Mahal na mahal din kayo ni Papa… M-mahal na mahal…”

Matapos ang mga salitang iyon ay doon na lamang ibinaba ni Weldy ang tawag. Kasunod din nito ay mas naging mahigpit ang kanyang pagyakap sa aking katawan.

Wala namutawi sa aming mga salita. Marahil, tulad ko ay hindi rin masabi ni Weldy ang kanyang tunay na nararamdaman. Tanging sa mahigpit naming yakap isa’t isa, doon namin ipinahahatid ang lahat ng mensahe sa aming mga isipan.

Sa mga oras na ito, pareho naming gustong damayan ang isa’t isa. Ngunit paano namin magagawa iyon kung ang problema ay nagmula mismo sa aming dalawa? Naiipit kami sa pagitan ng isang pamilya. Mali man na isipin, ngunit sa tingin ko, ngayon pa lang ay nagkakaroon na kami ng matinding kompitensiya.

Ayaw ko. Ayaw kong mangyari ang bagay na iyon. At sa tingin ko, ayaw rin ni Weldy ang ideyang iyon kung magkataon. Iyon din marahil ang laman ng kanyang isip kaya hindi rin niya magawang makapagsalita ngayon. 

Sa aming bawat paghagulgol at paghikbi, kalakip nito ay ang napakaraming katanungin sa aming isip; Bakit ba sa amin pa naibigay ang ganito kabigat na pagsubok? Bakit sa amin pang dalawa na siyang magkadugo? Bakit sa amin pang magkapatid na ang nais lang naman ay magkita at magkasamang muli nito? Wala na bang ibang paraan para mabago ang kapalaran namin nito? Na walang masasaktan at walang mabibigo?

May katagalan pa kami sa ganoong tagpo. Maging si Kuya Michael ay hindi malaman ang sasabihin kaya naman nanatili lamang itong tahimik habang kami ay pinapanood.

“Ikukuha ko muna kayo ng maiinom… Maiwan ko muna kayo…” mungkahi ni Kuya Michael bago ito nagdesisyong umalis mula sa tapat namin ng kapatid ko.

Nang makaalis si Kuya Michael ay nanatili pa rin na dinadamayan namin ni Weldy ang isa’t isa. Walang hangganang yakap ang tangi naming nagawa.

“W-weldy…” pagtawag ko sa kanya makalipas ang ilang sandali. Sa wakas din ay nagawa ko nang makapagsalita sa kabila ng paninikip ng aking dibdib.

Hindi siya tumugon. Nanatili lamang siyang mahigpit ang kapit sa katawan ko.

Gamit ang naipon kong lakas ng loob, sinimulan ko na ang aking nais na iparating. Ngunit sa pagsisimula kong iyon, kaakibat nito ay ang pagkagunaw ng aking daigdig.

“Weldy… S-sa tingin ko… Sa tingin ko, kailangan na nating magdesisyon… Sa tingin ko rin, dapat ka nang bumalik sa kanila… Magiging maayos lang ang lahat kung makikipagkita ka na sa kanila… Hindi pa naman huli ang lahat… ’Wag na natin ’tong hintayin na mas lumala pa… K-kasi… Kasi, ayaw ko kayong makitang nahihirapan… Ayaw ko rin na umabot pa tayo sa puntong magkakaroon ng mas matinding hindi pagkakaintindihan…” mahaba kong pagtatapat sa aking nararamdaman.

Hindi sumagot si Weldy, ngunit ang napansin ko, bahagya na siyang tumigil sa paghikbi. Hindi na rin siya nakagalaw senyales na nabigla ito sa aking ibinahagi.

“W-weldy… Hindi ko na rin kasi kayang mabuhay sa pagkukunwari… Matagal na rin akong nagpapanggap at tumatayo sa katauhan mo… Ayaw ko nang dagdagan pa ang mga kasalanan ko… Kaya ko naman tiisin ang mawalan… ’Wag lang ang magpatuloy sa kasinungalingan lalo na kung may iba pang maaapektuhan… Handa na ako, Weldy… Handa na ako…” muli ko pang pagtatapat sa pagitan ng aking pag-iyak.

Marami pa akong gustong sabihin, ngunit hindi na iyon kaya pang sambitin ng aking bibig. Nahihirapan na akong huminga. Nauubusan na rin ng hangin ang aking katawan habang nakikita ko sina Oliver at ang mga bata sa aking isipan.

“Mali ka. Mali ka, France,” biglang pagsasalita ni Weldy makalipas ang ilang sandali. “Hindi ka pa handa… Dahil habang kausap mo sina Oliver at ang mga bata kanina, hindi mo maitago ang saya… At habang sinasabi mo ang mga bagay na ito, lalo mo lang pinatutunayan na hindi mo kayang mawala sila…” mahaba niya pang dugtong sa malungkot na tono.

Natigilan ako sa pag-iyak. Napaisip ako nang malalim habang inaalisa ang kanyang mga na-obserba.

Dahan-dahan ay kumalas ako sa kanya. Sa kabila ng nakalulunod na emosyon, sinikap kong magtagpo ang aming mga mata.

Sinalubong ako ng maamong mukha ni Weldy na puno ng pag-aalala. Malungkot ang kanyang mga mata, ngunit ginawa niya ang makakaya na bigyan ako ng ngiting nakakakalma.

“France, itigil na muna natin ito… Pwede bang… Pwede bang bukas na lang ulit natin ’to pag-usapan..?” bigla nitong pakiusap.

Sa pagkakataong ito ay hindi ko na naitago ang aking pagkadismaya. Heto na naman siya, umiiwas at ayaw ungkatin ang aming problema.

“Weldy, naman?! Hindi ba pwed—” hindi ko na naituloy. Mula kasi sa pagkakangiti ni Weldy ay nagbalik siya sa paghagulgol. Naging sunod-sunod ang mga luha niya sa pagdaloy.

“France… N-nangako tayong magiging masaya lang ang araw na ’to, ’di ba..? Na para lang ’to sa ating dalawa… Ayaw kong masira ang maganda nating simula… Kaya nakikiusap ako, ituloy natin ang araw na ’to nang wala sa ating gumugulo hanggang sa matulog tayo… At bukas… Bukas na bukas din… Nangangako ako sa ’yo… Pag-uusapan na natin ang bagay na ’to… ’Wag lang ngayon… ’Wag lang ngayon… K-kasi… Kasi, nahihirapan din ako, France… Nahihirapan din ako…” mahaba niya pang pagmamakaawa at napayuko.

Hindi ko magawang ibuka ang aking bibig para sana muling tumutol. Mas naging malakas na rin kasi ang kanyang naging pag-iyak na sinasabayan na rin ng kanyang sunod-sunod na pag-ubo.

Gusto kong makakuha ng sagot. Gusto kong maresolba ang aming problema sa lalong madaling panahon. Pero paano magiging posible iyon kung hindi siya sumasang-ayon?

May katagalan din siguro na wala kaming imik ni Weldy. Nanatili lamang kaming lumuluha at malalim ang iniisip. Sa ilan pang segundong lumipas, hindi ko rin inaasahan ang sunod na magaganap.

“W-weldy..?” pagtawag ko sa kanya na puno ng pag-aalala. Napansin ko kasi siyang hawak na ngayon ang dibdib niya.

“F-france… S-sa bag… A-akin na…” nahihirapan niyang pakiusap sa akin habang nakayuko siya.

Nang masambit niya iyon ay tila ba ngayon lang sa akin naging malinaw ang nagaganap. Ngayon ko lang naalala ang kanyang kondisyon na lubha naming iniiwasan.

Kumilos ako nang mabilis para kunin mula sa dala naming bag kanina ang isang inhaler na kapareho ng ginagamit ni Marl. Nanginginig pa ang aking mga kamay kaya naman halos hindi ko iyon mabuksan.

Nang maibigay kay Weldy ang kanyang gamot ay agad ko rin siyang inalalayan.

“Kuya!! Kuya Michael!! Si Weldy!!” paghingi ko na ngayon ng saklolo.

Sa paglipas pa ng mga sandali ay nabalot kami ng matinding takot upang maging maayos si Weldy. Dumating si Kuya Michael na naging maagap sa paggagamot sa kapatid. Marahil ay sanay na rin siya sa ganitong pagkakataon na sinusumpong si Weldy ng hika kaya naman alam na alam na niya ang mga dapat gawin.

Hindi na rin namin kinailangan pang itakbo sa ospital si Weldy. Mula kasi sa ikalawang palapag ng bahay, nalaman kong may isa palang kwarto roon na kompleto sa kagamitan tuwing may ganitong pangyayari. Animo’y nasa loob na rin kami ng ospital dahil sa iba’t ibang kagamitan ang naroroon na para lamang sa isang pasyente.  Ayon kay Kuya Michael, ang kwartong iyon ay sadyang ipinagawa ng kanilang mga magulang noong sila ni Weldy ay mga bata pa lamang.

Mabuti na lamang at naging maayos din ang lahat sa paglipas pa ng mga oras. Ngayon ay naririto pa rin kami sa kwartong para lamang kay Weldy. Tinabihan ko siya sa kanyang hinihigaan. Bagama’t may kalamigan dito sa aming pwesto, mas naging pursigido akong siya ay mabantayan.

Si Kuya Michael ay nasa isang sofa na naririto rin sa kwarto. Dahil din siguro sa pagod ay mabilis din siyang nakatulog. Pinili niyang dito na rin magpahinga upang masiguro ang kaligtasan ng kapatid nito.

Nahihimbing na sa pagtulog si Weldy, ngunit hindi nakakaligtas sa aking pandinig ang paminsan-minsan niyang pagtawag sa akin.

“Nandito ako, Weldy… Magpahinga ka lang muna… Hindi kita iiwan…” bulong ko sa kanya habang hinahaplos ang kanyang pisngi.

Nagpapasalamat ako dahil tuwing naririnig niya ang boses ko, alam kong kumakalma ito. Napapanatag siya at nababakas iyon sa kanyang mukha.

Sa ganitong sitwasyon ni Weldy, mas lalo akong mahihirapan na siya ay kumbinsihin. Nalilito na rin ako. Lalo lamang din akong nahihirapang makapagdesisyon dahil sa kalagayan ng kakambal ko.

Sana, tulad ng isang masamang panaginip, sa oras na tayo ay magising ay magbabalik na rin tayo sa ating totoong daigdig. Sana ay isa lamang bangungot ang mga suliranin na dapat harapin.

Pero sa sitwasyon namin ni Weldy, malabo iyong mangyari. Dahil kahit paulit-ulit pa kaming matulog at magising, kamumulatan pa rin namin ang pait ng sitwasyong aming sinapit.


Mahabang A/N

Tulad ng ibinahagi ko sa huling update ng LMT, paki-add na lang ako sa NEW FB account ko — Cold Deeë. Hindi ako nag-block kung iyon ang iniisip ng ilan na hindi na ako makita ngayon doon.

Pangalawa, may isa akong story na naka-publish ngayon.

‘Christmas Lights’

ang title na handog ko sa inyo ngayong Pasko. Short story lang iyon na magtatapos din sa mismong araw ng Pasko. Salamat sa mga magiging interesado.

Alam kong may ilan nang naiinip sa kwentong ito. Hindi ko kayo masisisi kung layasan n’yo na ito dahil sa tagal ng update ko. Pero nais ko lang ipaintindi na hindi ganoon kadaling magsulat lalo na at may mga priorities ako tulad ng aking trabaho. Ayaw ko rin na sanayin ang aking sarili na magsulat kung walang nakapaloob na emosyon doon. Ang sinisiguro ko lamang sa inyo, tatapusin ko ang istoryang ito. Kung may makakaintindi sa aking sinabi, maraming salamat. Ngunit kung wala, balakajan! Charot!

Please do not expect na magiging mabilis ang mga susunod na update. I’m sorry. May isang oportunidad kasi ang dumating sa inyong lingkod na kaakibat ng pag-abot ng isang pangarap bilang manunulat. Hindi ko pa maiaanunsiyo iyon sa ngayon, pero sa oras na dumating ang sandali, sana ay suportahan n’yo pa rin ako. Ngayon pa lang ay magpapasalamat na ako sa mga mananatiling mga tao.

Para nga pala sa iyo ang chapter na ito,

lyzerg31

! Maraming salamat sa suporta mo sa kuwentong ito. 😘

That’s all, mga mahal ko! Salamat sa patuloy na naniniwala sa magandang resulta ng kuwentong ito! Hanggang sa muli!

–– cold_deee ❤

12.10.2018


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.