loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)

Marthacecilia Phr · 21 chapters · 23,537 words

1

N
AGTITILI ang baklang couturier habang ipini-fit kay Wilna ang trahe de boda ng dalaga.

“Ikaw tiyak, Wilna, ang pinakamagandang bride sa buong lupa. Tatalbugan mo kahit ang pamosong kasal ni Princess Di!” ani Bobbie habang isa-isang tinatanggal ang aspili mula sa pagkakabit ng manggas.

“Tiyakin mo, Bobbie. Kung hindi ay ipasasara ko itong shop mo,” ani Anthony habang nakasandal sa kahoy na partition.

Inirapan ni Bobbie ang lalaki. “Hmp. Na para bang may nakita na siyang tinahi kong pangit.”

Tipid na ngumingiti lamang si Wilna na tinititigan ang sarili sa malaking salamin. Maganda ang disenyo ng napili niyang wedding gown. Simple pero elegante. Victorian ang style. Higit sa lahat ay bagay na bagay sa kanya.

Sinulyapan niya si Anthony na nakapamulsa at tila bagot na bagot. Isa iyon sa dahilan kung bakit ang excitement niya sa pagpi-fit ng trahe ay tila binuhusan ng malamig na tubig.

Hindi niya maunawaan ang kasintahan. Napakabilis ng pangyayari sa kanilang dalawa.

Isang taon na siya sa pinapasukang kompanya bilang sekretarya ng General Manager ng isang printing company. Isang araw ay dumating doon si Anthony dahil kaibigan nito ang boss niya na isa rin sa mga stockholder ng kompanyang pag-aari ng mga Avila. Doon nagsimula ang lahat. Parati na siya nitong sinusundo at inihahatid sa apartment niya sa Cubao na kung saan ay apat silang nagbo-board.

Bago pa niya namalayan ay mag-boyfriend na sila sa pamamagitan ng isang di-pormal na ligawan. Makalipas ang isang buwan at kalahati ay niyakag siya nitong magpakasal.

Magkahalong galak, pagkamangha at kalituhan ang nadama niya nang mag-propose ang binata. At ni hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magsabi ng hindi o oo. Subalit ang ipinagtataka niya ay malamig ang pakikitungo ng kasintahan sa nalalapit nilang kasal.

“O, ‘ayan, punta ka na sa dressing room at magbihis ka na. After three days ay tapos na itong gown mo.”

Pumasok ang dalaga sa isang maliit na cubicle na may kurtina upang magbihis. Samantalang si Bobbie ay lumapit sa nakatayong si Anthony at ikinawit ang mga braso sa braso ng binata.

“Alam mo, nagtatampo ako sa iyo. Bakit hindi mo na lang dito sa shop ko ipinatahi ang suit mo? Alam mo namang nag-branch out ako sa tailoring six months ago,” may hinampong wika ni Bobbie na idinikit ang katawan sa binata. Noong nabubuhay pa ang Mommy ng mga Avila ay kay Bobbie nagpapatahi ng damit.

Inis na inalis ni Anthony ang braso ni Bobbie. “Kung hindi pa kita kilala, Bobbie, ay baka-sakali pa. Gagawin mo ang lahat ng paraan para mapagsamantalahan ako.”

Umirap pang lalo si Bobbie. “Hmp. Snob lang talaga. Kung tutuusin ay mas type ko si Angelo kaysa sa iyo.”

Sandaling natigil sa pagsi-zipper ng damit si Wilna nang marinig ang pangalang binanggit. Nabanggit na sa kanya ni Anthony ang kapatid nito na siyang tatayong bestman. Sa kasalukuyan ay nasa Amerika ito.

“Di lalo ka nang hindi pinatulan noon,” seryosong sagot ni Anthony na palakad-lakad at pasulyap-sulyap sa dressing room.

“At least, hindi snob ang kapatid mo. He always treated me like a lady.”

Siyang paglabas ni Wilna mula sa dressing room.

“Let’s go,” pagkasabi noo’y nagpatiuna nang lumabas ang binata.

Dinampot ng dalaga ang bag mula sa sofa. “Pasensiya ka na kay Anthony, Bobbie. Mainit lang ang ulo niyan.”

“Ay naku, Tita, ano pa nga ba ang ginagawa ko? Kung hindi lang guwapo iyang boyfriend mo, nungka ko iyang pagpasensiyahan.”

Nangiti ang dalaga. “Bye, Bobbie.”

Tumatakbo na ang black silver na Honda Accord ni Anthony sa highway nang magsalita si Wilna.

“Bakit ba bigla ka na lang nainis kay Bobbie?”

“Sino bang hindi maiinis? Lagi na lang siyang nakadikit sa akin sa tuwi tayong pupunta roon. At kung tingnan ako ay sa ibaba na para bang gusto akong kainin nang buo.”

“Hindi ka na nasanay gayung matagal mo na siyang kilala. O baka, dahil nabanggit na naman ang kapatid mo.”

“Eh, ano naman kung binanggit niya si Angelo?” paangil na sagot nito.

“Napupuna ko kasi na sa tuwi na lang may babanggit sa pangalan ng kapatid mo ay nag-iinit ang ulo mo. At sa tuwing tatanungin kita tungkol sa kanya ay hindi mo ako sinasagot.”

“There’s nothing to tell. You will meet him on or before our wedding day depende sa kung kailan gustong dumating ni Angelo. He wouldn’t miss our wedding for the world,” may finality sa tinig ng binata na nagpapahiwatig na hindi na nito gustong pag-usapan pa ang kapatid.

Napuna ng dalaga na hindi ang daan pauwi sa kanila ang tinatahak ng sasakyan. Patungong Makati ito.

“May pupuntahan pa ba tayong iba?”

“Sa condo ko,” maiksi nitong sagot na nilingon siya at ngumiti.

Kinabahan si Wilna. Alam niya ang motibo ng binata. Minsan na siya nitong dinala sa condominium nito at nauwi lang sa pagtatalo.

Sa loob ng panahong magkasintahan sila ay hindi iilang beses siya nitong niyayang humigit pa sa simpleng kissing and petting ang relasyon nila. Subalit hindi siya handa roon. Kung kaya ilang beses na rin siyang tumanggi.

Minsan ay naitanong na niya sa sarili kung bakit hindi siya pumapayag. Hindi ang tulad ni Anthony ang madaling tanggihan. Guwapo, mataas, galante, at mayaman.

Alam niyang maraming babae ang nagkakagusto rito. At hindi rin ilang girlfriend ang nagdaan dito. At natiyak niyang ang mga ito ay may-kaya rin sa buhay. Paano kung matapos niyang ipagkaloob ang sarili ay iwan siya ni Anthony? Hindi malayong mangyari iyon. Kung iniwan nito ang mayayamang girlfriends, bakit hindi siya gayong ordinaryong empleyado lang siya. Totoong kapag naglalakad siya ay nakatatawag siya ng pansin sa mga kalalakihan pero alam niyang hindi siya pang-beauty queen. Ang tanging maipagmamalaki niya ay ang makinis niyang kutis na kinaiinggitan ng marami niyang kakilala at kaibigan.

“Hindi ka na sumagot. Does that mean yes?”

“Three weeks from now, we will be married, Anthony,” marahan niyang sagot na halos hindi marinig ng binata.

“Precisely. Hindi kailangang gawan ng isyu ang pagsama mo ngayon sa akin doon, Wilna.”

Tatanggi ba siya? Would it be foolish na igiit dito na hintayin na lang talaga ang araw na makasal sila?

Huminga siya nang malalim. She has nothing against sex. Ang ayaw niya ay ang paraan ng pag-aalok o ng paggawa nito. Let it come naturally. Iyong hindi ipinipilit. Hindi iyong kaya kayo nagpunta sa isang lugar ay dahil lang talaga doon—sex and lust.

Maybe you can go out of town. Sa isang beach o sa isang magandang lugar. Whisper sweet nothings while holding hands. You can kiss and touch hanggang dalhin kayo noon sa puntong making love (hindi sex ha?) is inevitable.

Napabuntong-hininga siya. She’s getting foolishly romantic. Sa pocketbooks lang nangyayari iyon at sa sine.

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang maramdamang napakabilis ng takbo ng sasakyan nila. Napakapit siya sa dashboard. Isa pa ito sa hindi niya gusto sa kasintahan. Kung magpatakbo ng kotse’y akala mo nasa racing track sila.

“Slow down, Anthony. Baka madisgrasya tayo,” kinapa niya ang seatbelt at ikinabit.

“Relax, Wilna. Wala namang gaanong tao sa kalye dahil patay na oras. Besides, gusto kong makarating tayo agad sa condo ko. Ngayon ko lang binanggit ang bagay na iyan nang hindi ka umangal.” Tumawa nang malakas ang binata. “Talaga palang mabisang pases ang marriage proposal ano?” May himig ng panunuya ang tinig nito.

Hindi ito pinansin ni Wilna. Nakatuon ang paningin niya sa daan. Mabilis sila at kinakabahan na siya.

“Anthony, please. Hinaan mo ang pagpapatakbo. Darating din naman tayo doon kahit normal lang ang driving mo.”

Nilingon ng binata ang namumutlang kasintahan. Balak na nitong magmenor subalit natanawan ang pagkukulay dilaw ng signal light. Hindi nito nais na abutan pa ng pulang ilaw kaya pilit na hinabol ito, at pula na ng ilang segundo ay nagtuloy-tuloy pa rin si Anthony.

Gustong tumili ni Wilna sa biglang pagsulpot ng elf mula sa kanang intersection dahil “go” sa parte nito. Subalit sa sindak ay walang tinig na lumabas sa bibig niya.

Sinikap ni Anthony na kabigin pakaliwa ang sasakyan upang sabayan na lang sa pagliko ang elf, subalit nasagi nito ang kanang bahagi ng kotse.

Crush at nakangingilong langitngit ng gulong ang sunod-sunod na narinig.

Ilang sandali pa ay tunog na ng ambulansiya ang maririnig!

2

A
BALA sa paglilinis ng malaking sala si Nana Inez nang marinig ang sunod-sunod na busina.

Nilingon nito ang hardinero na kasalukuyang binubuhat ang isang malaking paso upang ilabas.

“Andoy, tingnan mo nga muna kung sino ang nasa gate,” utos ng matanda. “Ilapag mo na muna iyan.”

“Opo,” muli nitong ibinalik sa malaking decorative jar ang halaman.

Nagpatuloy sa ginagawa ang matanda. Tatlo silang nagtutulong-tulong sa paglilinis ng malaking bahay na mayroong apat na silid sa itaas at tatlo sa ibaba kasali na ang library, dalawang guestroom at ang silid nito.

Hindi naman nito kailangang gawin ang maglinis kung susundin nito ang sinasabi ni Anthony na humanap ng isa pang katulong. Katwiran ng matanda ay tama na silang tatlo nina Andoy at Seling. Tutal ay puro makina ang gumagana sa mga gawain. At hindi nito nais na walang ginagawa.

Mula sa pagkakayuko ay nag-unat ng likod ang matanda nang marinig ang mga papasok na yabag.

“Kumusta na kayo, Nana Inez?” anang tinig mula sa likuran.

Mabilis itong lumingon. Kilalang-kilala nito ang tinig na iyon kahit na nga ba magkaboses ang magkapatid.

“Angelo!” bulalas ng matanda sa bagong dating. Nasa likod si Andoy at bitbit ang dalawang malalaking maleta.

Agad na sinalubong nito ang lalaki at niyakap. Pagkatapos ay muli ring umatras.

“Naku, marumi nga pala ako, hijo!”

Inakbayan ng lalaki ang matanda at hinagkan sa ibabaw ng ulo. Si Nana Inez ang nanay-nanayan nila ni Anthony. Ang matandang babaeng ito ang siyang katu-katulong ng mama nilang nag-alaga sa kanilang magkapatid mula noong sila’y mga sanggol pa lamang.

Nang mamatay sa aksidente ang kanilang mga magulang mahigit tatlong taon na ang nakalipas ay naroon pa rin si Nana Inez na ang tingin sa kanila ay mga tunay nitong anak.

Masuyong tiningala ni Nana Inez ang binata. Si Angelo ang panganay sa magkapatid. Ilang minutong nailabas si Angelo ay sumunod naman si Anthony. Kambal ang dalawa. At hindi lang basta kambal. Identical twins at remarkable ang pagkakahawig.

Magkasingtaas at parehong magandang lalaki. Hindi ilang puso ang pinaluha ng mga ito at kung hindi mo kabisado ay mapagkakamalan mo ang isa’t isa.

At hindi rin biro ang kapilyuhang ginagawa ng kambal na ito. Pag-absent ang isa sa klase ay pinapasukan ng isa na anupa’t walang nakakahalatang ang isang kambal iyon. Tuwina ay tinitiyak ng mga ito na hindi sila pareho ng section. And they could even switch girlfriends noong high school days at nalulusutan ng mga ito.

Ang tanging pagkakaiba sa dalawa ay ang pagiging seryoso at responsable ni Angelo sa gulang nilang twenty six. Si Anthony ay happy-go-lucky, easy going.

Nang mamatay ang mga magulang nila ay kay Angelo naatang ang pamamahala sa naiwang negosyo. Ang Avila Motors. Isang car exchange and dealers at may mga sangay sa buong bansa.

Bukod doon at siyang ipinagsisintir ni Anthony ay ang paghirang kay Angelo bilang administrador ng naiwang ari-arian ng mga magulang. At tangi lamang kung may sarili nang pamilya si Anthony maaaring mahati ang mga mana. Subalit hindi ang pamamahala ng Avila Motors. Hindi ito kailanman mawawala sa pamilya. Ganito ang nakalagay sa testamento ng mag-asawang namayapa.

“Bakit hindi ka man lang nagpasabing darating ka, Angelo?” Tinawag nito si Seling at pinatimplahan ng juice ang anak-anakan.

“Di, hindi ko kayo nasorpresa,” natatawang sagot ng binata na naupo sa sofa. Itinaas ang mga binti sa center table. Inikot ang paningin sa buong kabahayan. Mahigit isang taon din siyang namalagi sa Amerika.

“Kumusta si Anthony, Nana Inez? Totoo ba iyong isinulat ninyo sa akin?”

Tumango ang matanda kasabay ng kislap ng mga mata. Naupo sa tabi ng lalaki.

“Totoo, Angelo. Mag-aasawa na ang kapatid mo. Katunayan ay magkasama sila ngayon ni Wilna upang mag-fit ng damit-pangkasal.”

Kumulimlim ang mukha ni Angelo. “Sino ang mapapangasawang ito ng kapatid ko, Nana?”

“Si Wilna. Wilna Martin. Hindi ba at ang isa sa mga stockholder ng Avila Motors na si Mr. Dizon ay may sariling kompanya?” Tumango si Angelo. “Sekretarya nito si Wilna.”

“Anong uring babae at pamilya mayroon ang babaeng ito, Nana?”

“Magugustuhan mo ang hihipagin mo, Angelo. Dalawang beses na siyang dinala rito ni Anthony. Mabait at disente. Pinong kumilos at magsalita. At marahil, sa pagkakataong ito ay tama ang pagpapasya ni Anthony,” puno ng pag-asam ang tinig ng matandang babae.

“Kung ganoon ay inaamin ninyong walang tamang ginawa ang isang alaga ninyong ‘yon. Paano ako nakatitiyak na tamang babae ang ipapanhik niya sa bahay na ito?” Hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha ng lalaki.

“Bigyan mo ng pagkakataon ang kapatid mo, Angelo,” may bahid ng pakiusap ang tinig ni Nana Inez. Hindi nais ng matanda na magtalo ang magkapatid. Magmula lang nang mamatay ang mga magulang ng dalawa, at malaman ni Anthony na nakaipit ang mana nito kay Angelo, naging problema ang bunsong alaga.

“Hindi ba at ang dahilan kaya ako nagpunta ng Amerika ay upang bigyan siya ng pagkakataon? Upang balikatin niya ang responsibilidad ng kompanya? Pero ano ang nangyari? Sa una lang siya maayos. Balik sa dati ang gawi makalipas ang ilang buwan.”

“Nagtatampo lang ang kapatid mo, Angelo. Hindi niya inaasahang sa iyo nakasalalay ang mamanahin niya.”

“Then let him prove himself, Nana! May isa pa namang provision sa testamento maliban sa pag-aasawa. Iyon ay kung sa palagay ko ay nararapat nang ipagkaloob sa kanya ang share niya. At sa nakikita natin ay tiyak na mauuwi lang sa wala ang pinaghirapan ng mga magulang namin.”

“Hindi naman marahil, anak. Kilala ko ang kapatid mo. Tulad din ng pagkakakilala ko sa iyo. Magulo, masayahin, lakwatsero, Sabihin mo na kung ano-ano pa ang hindi magandang katangian ng kapatid mo. Pero hindi kabilang doon ang kawalan ng malasakit.”

“So, nagtatampo siya dahil ako ang administrador ng mga ari-ariang naiwan ng mama at papa. Puwes mali ang paraan niya, Nana. At marahil ay may dahilan ang mga magulang namin sa desisyon nila.”

Hindi sumagot si Nana Inez. Wala itong itinatangi sa magkapatid. Parehong mahal ng matanda ang dalawa.

“Anong uring oportunista ang nakatagpong ito ni Anthony, Nana Inez?” Hindi makakaila sa tinig ng binata ang galit. “Baka sa halip na isa ay dalawa ang kakarguhin ko.”

“Hindi oportunista si Wilna, Angelo. Ito ba namang tanda kong ito ay hindi ko makikilala ang ganoong uri ng tao?”

Sarkastikong tumawa ang binata. “Mukhang dalawa na ang inaabogaduhan ninyo sa akin, a.”

Huminga nang malalim ang matanda. “Ulilang lubos na si Wilna, hijo. Naulila sa ama sa edad na sampu. Ang ina niya ay namatay makalipas naman ang pitong taon. Nasa ikalawang taon sa kolehiyo si Wilna at ang nagpatuloy sa pagpapaaral ay isang biyudang tiyahin. Kapatid ng ama niya. May anak ang tiyahing ito sa Amerika at kamakailan lang ay naaprubahan ang petisyon ng anak na nasa Amerika. Solong katawan ang dalaga ngayon sa gulang na beinte dos.”

Hindi sumagot si Angelo. Sa halip ay tumayo at tinungo ang bar. Kumuha ng alak at nagsalin sa kopita. Naupo sa stool at uminom. Nilapitan siya ni Nana Inez at banayad na hinawakan sa balikat.

“Hindi lahat ng babae ay tulad ni Lucille, hijo.”

Hindi sumagot ang binata. Sa halip ay ini-straight ang laman ng kopita. Si Lucille! Ang walang kuwentang babaeng iyon. Bakit kailangang ipaalala ito sa kanya?

Hindi niya balak na magtagal sa Amerika. Mga ilang buwan lang ay uuwi na siya at balak niyang pasunurin si Lucille doon. Nais lamang niyang bigyan ng pagkakataon si Angelo na pamahalaan ang kanilang negosyo.

Subalit tinanggap niya ang tawag ng kapatid na nagbabalitang ipinagpalit siya ni Lucille kay Marlon. Isa niyang kaibigan at kababata at higit na masalapi. Isang bagong-bagong kotse raw ang ipinagkaloob ni Marlon sa babae.

Hindi niya gustong maniwala subalit nang makausap niya sa overseas call si Lucille ay inamin ng babae ang balita. Humingi ito ng tawad sa kanya. At iyon ang dahilan upang tumagal pa siya nang maraming buwan sa Amerika.

Naputol ang pag-iisip ng binata sa pagtunog ng telepono. Sinagot ito ni Nana Inez.

“Hello? Opo… ito nga po. Police?” Napasulyap kay Angelo ang matanda. “A-ano ho? Sa-saan? Opo… salamat po,” gumagaralgal ang tinig nito. At sa nanginginig na mga kamay ay ibinaba ang telepono.

“Nasabit ba ang kapatid ko, Nana Inez?” patuyang tanong ni Angelo. “Kung nagkaproblema sa mga pulis si Anthony ay labis-labis na ito,” pagalit niyang dagdag.

“H-hindi!” Pahisteryang umiling ang matandang babae. “Naaksidente ang kapatid mo, Angelo! Sila ni Wilna!“

3

NANG dumating sila sa ospital ay nasa isang pribadong silid na si Anthony. Subalit hindi nila makausap ang kapatid dahil under sedation ito.

“Kumusta ang kapatid ko, doktor?”

“Kambal kayo?” tanong ng doktor nang makita ang pagkakahawig ng pasyente at ni Angelo. Tumango ang binata.

Nagpatuloy ang manggagamot. “Under observation. May malay siya nang idating dito but we have to sedate him. He was almost hysterical sa pag-aalala sa babaeng kasama niya.”

“Anong pinsala ang tinamo ng kapatid ko, doktor?”

“Sa nakikita ko ay superficial lamang ang pinsalang tinamo niya. Anyway, ipapasailalim namin siya sa pagsusuri para makatiyak tayo.”

“Nasaan ang babaeng kasama ng pasyente, doktor?” Si Nana Inez.

“Nasa ICU at kasalukuyang inoobserbahan. Mas malubha ang pinsalang tinamo ng kasintahan ng kapatid ninyo,” iiling-iling na wika ng doktor.

“Gawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo sa mga pasyente, doktor. Walang problema sa gastos,” ani Angelo na sinulyapan ang kapatid na may nakapaligid na isang nurse at doktor.

Pagkagaling kay Anthony ay nagtuloy sina Angelo sa ICU. Isang doktor ang lumabas. Nagpakilala ang binata.

“Ako si Dr. Valle, isang eye specialist. Kasalukuyang tinitingnan ng isang neuro-surgeon ang pasyente,” itinuro nito ang isang bench. Naupo ang mga ito.

“Kumusta na ang pasyente, doktor?” nag-aalalang tanong ni Nana Inez.

“Ginagawa namin ang lahat ng aming magagawa. Kaano-ano po ba ninyo ang pasyente?”

Si Angelo ang sumagot. “My brother’s fiancée. Wala na siyang mga kamag-anak kaya kung anuman ang gusto ninyong sabihin ay sa akin na.”

“Kung makikita ninyo siya ngayon ay nakaalsa ang kanang pisngi na tumatakip sa kanang mata niya. Both eyes are bleeding. Nagkaroon siya ng retinal detachment…”

“English, please…” agap ni Angelo na ang ibig sabihin ay huwag itong gumamit ng medical term.

“Mabubulag siya, Mr. Avila, kung hindi maooperahan.”

“Oh!” bulalas ni Nana Inez.

“Then do it!” utos ni Angelo na gustong mainis.

“We have to concentrate on life threatening matters, Mr. Avila,” mahinahong sagot ng doktor. “Hindi pa matiyak ng mga kasama ko sa mga sandaling ito kung nagkaroon siya ng internal damage. She will be scanned. Wala pa siyang malay hanggang ngayon. On the surface, mga sugat at galos ang nasa kanang bahagi ng katawan niya and a fractured right arm.”

Huminga nang malalim si Angelo. Tumayo ang doktor.

“Pagkatapos ng pagsusuri ay mag-usap tayong muli, Mr. Avila. Rest assured na gagawin naming lahat ang nararapat.”

Tumango si Angelo. Pagkatapos ay muling bumalik sa silid ni Anthony. Si Nana Inez ay sinisikap kalmahin ang sarili habang pinagmamasdan ang alaga.

Nakatiim-bagang si Angelo. Ang mga magulang nila’y sa ganitong paraan binawian ng buhay. At heto sa harap niya ang kapatid na gasino nang nakalusot sa kamatayan.

Subalit paano ang walang malay nitong kasintahan? Ayon sa mga imbestigador na kumausap sa kanila ay kasalanan ng driver ng kotse ang nangyari. Meaning, si Anthony. Paano tatanggapin ng kapatid ang pinsalang tinamo ng kasintahan? Paano rin ito tatanggapin ni Wilna? Fractured arm, bleeding eyes. Baka mayroon pang iba. Hindi pa tinitiyak ng mga doktor na ligtas na ito.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng binata. Malaki ang pasasalamat niya at ligtas ang kapatid.

Mahusay na driver si Anthony at mahilig talaga ito sa mga car racing kahit noong teenagers pa lamang sila. There was even a time na gusto ng kapatid na subukan ang buhay sa race track subalit hindi pumayag ang mga magulang nila.

Mabilis na driver pero hindi reckless. Minsan man ay hindi nagkaroon ng aksidente si Anthony. Ngayon lang.

4

K
UMUSTA ka na?” si Angelo nang muling dumalaw sa kapatid kinabukasan. Pinauwi niya si Nana Inez na nagpilit bantayan ang anak-anakan sa kabila ng mayroong pribadong nurse.

Ngumisi si Anthony. “I’m fine. Nothing that would not heal. Even my pride.”

“Anong pride ang pinagsasabi mo?”

“I never had an accident, ‘di ba, Angelo? Hindi pa man ako nakasasali sa races ay laos na agad ako,” biro ng binata.

“Alisin mo sa isip mo ang tungkol diyan sa karera, Anthony, kung gusto mong tumagal ang buhay mo,” pormal na wika ni Angelo.

“When did you arrive?” pag-iiba ng binata sa topic.

“Kahapon. And you have a very original way of welcoming me home,” matabang na sagot ni Angelo. Muling hinagod ng tingin ang kapatid. “Are you sure you’re all right?”

Tumango si Anthony. “Maliban marahil sa parang na-shock ako. But I’m fine, really. And I am so sorry I could not say the same for Wilna,” may bumahid na pag-aalala sa mukha ng binata na agad ding pinawi at ngumiti sa kapatid. Isang malaking comfort na makita nito si Angelo sa mga sandaling tulad noon.

Ang private nurse na nakamasid sa kanila ay hindi mapigilan ang pagkamangha. Magkamukhang-magkamukha kasi ang dalawa! Maliban sa ang pasyente nito’y laging nakangiti at lagi namang nagsasalubong ang kilay ng dumadalaw na kapatid.

At kung ipipikit nito ang mga mata ay hindi nito matiyak kung sino ang nagsasalita. And both men are gorgeous! Hindi iilang nurses ang sumisilip kay Anthony habang wala itong malay.

“I did not allow any visitors maliban sa amin ni Nana Inez. Do you mind?”

“Hindi. At saka sabi naman ng mga doktor ay maaari na akong lumabas sa isang araw. Or even tomorrow if I insist. Tapos nang lahat ang examinations sa akin.”

“You will have to postpone the date of your wedding,” paalala ni Angelo.

Agad ang pag-iwas ng tingin ni Anthony. “Yeah. Wala munang kasalang magaganap,”

“Kakausapin ko ang mga doktor ni Wilna upang matiyak ko kung gaano katagal mauurong ang kasal. Dumating kanina sa bahay ang mga invitation cards na ipinaimprenta ninyo. They’re very nice. Sino sa inyong dalawa ni Wilna ang pumili noon?” kaswal na tanong ni Angelo.

“She did,” inabot ni Anthony ang diyaryo sa tabi at nagkunwang nagbabasa.

Matagal munang tinitigan ni Angelo ang kapatid bago marahang humakbang palabas.

“Kung may kailangan ka, nasa opisina ako. Sa main.”

Nasa pinto na si Angelo nang magsalita si Anthony.

“Angelo…”

Lumingon ang binata.

“I’m glad you’re here. I really am.”

Tumango lang si Angelo at tuluyan nang lumabas.

5

MAKALIPAS ang dalawang araw ay nagpilit nang lumabas si Anthony. Si Wilna naman ay noon din lang inilipat sa private suite.

“Hindi mo man lang ba sisilipin ang kasintahan mo, Anthony?” baling ni Angelo sa kapatid nang lumabas na sila ng silid.

“I… I saw her this morning. Nagkamalay siya kagabi, sabi ng doktor. Pero tulog siya nang pasukin ko kanina,” marahang sagot ng binata na nagyuko agad ng ulo.

Gusto mang sitahin ni Angelo ang kapatid ay nagsawalang-kibo na lamang. Ang kawalang interes na ipinakita ni Anthony sa kasintahan ay dala marahil ng guilt.

Dalawang araw pa uli ang pinalipas ni Angelo bago siya muling dumalaw sa ospital. At sa loob ng dalawang araw na iyon ay si Nana Inez ang nagprisintang pumaroon sa dalaga. Ito man ay may sarili ding pribadong nurse.

Ligtas na si Wilna maliban sa naka-cast ang kanang braso nito sa bahaging siko at sa pinsalang tinamo ng mga mata nito.

Kinausap ni Angelo ang doktor sa mga mata ng dalaga, si Dr. Valle.

“Another day or so ay maaari na ninyo siyang ilabas, Mr. Avila. Kahit ang braso niya ay hindi naman gaanong napinsala. Ibalik ninyo siya dito after two weeks at kasabay noon ay maaari na ring gawin ang operasyon.”

“Bakit hindi pa ninyo gawin ang operasyon ngayon, doktor?”

“She has to be physically and emotionally well. Malaking bagay ang palagiang presensiya ng kanyang kasintahan upang mabigyan siya ng moral support. She looks fine but I can sense the trauma na nadarama niya. Pinipilit niyang magpakatatag pero naroon ang fear sa tinig at mukha.”

Hindi malaman ni Angelo ang iisipin. Kanina bago siya umalis ng bahay ay alam ni Anthony na dito sa ospital ang tungo niya pero hindi ito nagpahiwatig ng interes na sumama o di kaya ay kumustahin man lang ang kasintahan.

Kinakain ba ng matinding guilt ang kanyang kapatid?

“Pagkatapos ba ng operasyon ay agad na makakakita ang pasyente?“patuloy niyang tanong.

“Gradual ang pagbabalik ng eyesight, Mr. Avila. Maaaring sa susunod na araw or at the most is three days.”

Nang maghiwalay sila ng doktor ay nagtuloy na sa silid ni Wilna si Angelo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lang niya napagmasdan nang husto ang dalaga. Tulog ito pagpasok niya.

Tall and slim. Very fragile tingnan. Katamtamang tangos ng ilong and very kissable lips. Napailing siya sa sarili niyang description sa mga labi ng dalaga. Maputi at pinong kutis na tila sa sanggol. At gusto niyang isiping she bruised easily with so much as a touch.

She is not really what you may call beautiful. But she is very pretty. Ano ang hitsura ng mga mata nito?

Sinuyod niya ng tingin ang kabuuan ng dalaga na nakasuot ng maluwang na puting hospital robe. Naka-cast ang kanang braso na kakikitaan ng mga gasgas sa parteng walang semento.

Maingat niyang hinawi ang buhok na tumatabing sa sugat nito sa kanang noo. Tatlo ang stitches roon. Blue and black ang kanang pisngi.

Bigla ang pagbangon ng galit niya sa kapatid. It was selfishness on Anthony’s part na nang dahil lang sa thrill ay isinapanganib nito ang sariling buhay at ang buhay ng kasintahan.

Nang mapuna niyang marahang gumalaw si Wilna ay dali-dali siyang lumabas ng silid. Hindi pa siya handa na kausapin ang dalaga. Mas na sila ni Anthony ang dapat na mag-usap.

Pag-uwi ni Angelo nang gabing iyon ay wala ang kapatid.

“Saan daw siya pupunta, Nana Inez?” aniya sa nagsasalubong na mga kilay.

“Wala siyang sinabi, Angelo, maliban sa naiinip siya dito sa bahay,” sagot ng matanda. Nararamdaman nito ang pinipigil na galit ng binata at ang pag-aalala.

Alas-otso pasado na nang marinig ng binata ang pagbubukas ni Andoy ng gate at ang pagpasok ng kotse nito sa garahe. Nasa pagawaan ang Honda nito at ang sasakyan ng mga magulang ang gamit ng binata.

“Hindi mo ba alam na hindi ka pa dapat nagmamaneho?” bungad ni Angelo pagkapasok na pagkapasok ng kapatid.

Nagulat ang binata. Hindi inaasahan ang paninita ng kapatid. “I-I was extra careful,” bahagya itong nautal. Pinatay nito ang sigarilyo sa ashtray.

“At saan ka nanggaling, Anthony?” kalmante pa ring tanong ni Angelo kahit sa kabila ng tonong iyon ay ang tinitimping galit.

Ibinagsak ni Anthony ang sarili sa sofa. “My goodness, Angelo! Magkasing-edad lang tayo so you don’t have to nag me. Alam ko ang ginagawa ko!”

“Hindi kita nina-nag. At totoong magkasing-edad tayo but you are behaving like a foolish teenager!” Bahagyang tumaas ang tinig ni Angelo.

“At ano ang gusto mong gawin ko?” Bahagyang tumaas ang tinig ni Angelo.

“At ano ang gusto mong gawin ko? Gayahin ka? Kung gusto mong kumilos na parang ikaw ang papa, suit yourself. Pero may sari-sarili tayong buhay, Angelo. And you are not my keeper. At siguro ay nakakapika nang ulit-uliting ipaayos mo na sa mga abogado ang mga ari-ariang iniwan ng mama’t papa. Ang nangyayari nito ay para akong pulubing umaasa lamang ng limos mula sa iyo.”

“That will be done when you are married, Anthony. At isa pa iyan sa gusto kong sabihin sa iyo. Kung nagagawa mo ang mag-goodtime, bakit hindi ang pagdalaw sa kasintahan mo?”

Biglang natahimik si Anthony. Tumayo at nagpaikot-ikot sa sala. Muling nagsindi ng sigarilyo.

“Well?” Si Angelo uli.

“N-nandiyan naman kayo ni Nana Inez, ‘di ba? Inaasikaso ninyo ang lahat ng kailangan niya. May private nurse siya, mamahaling silid at mga bihasang doktor.”

“Obligasyon mong bigyan ng moral support sa panahong ito na nasa trauma si Wilna,” tumayo si Angelo at nilapitan ang kapatid. “Hindi kami ng Nana Inez ang kailangan niya kundi ikaw.” Nagsalubong ang mga kilay ng binata nang malanghap na amoy alak ang kapatid.

“Nakainom ka ba?” pagalit niyang tanong.

Tumalikod si Anthony. “A few shots. Kailangan kong gawin or else ay hindi ako magkakalakas ng loob na sabihin sa iyo ang gusto kong sabihin.”

“Simulan mo kung anuman iyon,” utos ni Angelo.

Muling humitit ng sigarilyo ang binata at nagbuga ng usok paitaas.

“I-I dont think… I can go on with the wedding…”

Nilingon ni Angelo ang kapatid. Tiniyak na tama ang naririnig niya.

“Ano’ng sinabi mo?”

“Narinig mo, Angelo. Wala nang kasalang magaganap!”

“I hope you’re not serious. Nakadama ka lang marahil ng guilt dahil sa nangyari. It’s the shock catching up…” ani Angelo na hindi nagpahalatang nabigla.

“Oh, come on, Angelo. Surely you don’t want me to be saddled with an invalid.”

Kumawala ang galit ni Angelo. Hinawakan sa kuwelyo ng polo shirt ang kapatid. “Ikaw ang may kagagawan sa nangyari kay Wilna, Anthony. Pagkatapos ay tatalikuran mo ang obligasyon mo sa kanya?”

Pilit na kumakawala si Anthony sa pagkakapitsera ng kapatid. “At sa palagay mo ba ay hindi ako nililigalig ng konsiyensiya ko? At kasama naman akong naaksidente, ‘di ba? Nagkataon lang na mas malaki ang naging pinsala ni Wilna. Pero ayokong matali sa isang bulag, Angelo.”

Binitiwan ng binata ang kapatid. “Pansamantala lang ang pagkabulag ni Wilna. Makakakita siya pagkatapos ng operasyon.”

“Iyan naman ang sinasabi ng mga doktor, ‘di ba? Bibigyan ka nila ng pag-asa pagkatapos ay iyon din ang kauuwian,” kinapa ng binata ang sarili. Iyon nga ba ang dahilan kaya biglang nagbago ang pasya niya?

“Kasintahan mo siya. Hindi ba kasama sa dalawang nagmamahalan ang pagdamay ng isa’t isa sa panahong tulad nito? Lalo na at hindi naman ginusto ni Wilna ang nangyari!” bulyaw ni Angelo.

“To tell you the truth, hindi ganoon kalalim ang damdamin ko para sa kanya. Niligawan ko siya dahil noong una ko siyang makita ay natitiyak kong siya ang uri ng babaeng aaprubahan mo. Oh, well, I desired her. She’s very pretty and sexy pero hindi siya game so I offered marriage. She might make an uncomplaining wife plus ibibigay mo na sa akin ang share ko sa mana.”

Hindi mapaniwalaan ni Angelo ang narinig. Isang suntok ang pinakawalan nito sa kapatid.

“What a selfish bastard you are!”

Sumadsad si Anthony sa isang sulok na kung saan naka-display ang isang mamahaling antigong figurin. Sindak na dinampot ng binata ang nagkapira-pirasong figurin, Halos singhalaga iyon ng kotse nito.

“This was my property, Angelo! Sa akin direktang ipinamana ng papa at mama ang bahay na ito pati na ang lahat ng mga naririto!”

“Nanghihinayang ka sa figurin na iyan pero hindi sa buhay na muntik nang mawala dahil sa iyo? At ngayon ay sasabihin mong wala kang balak ituloy ang kasal? Anong klaseng tao ka?” Muli nitong aambahan ng suntok ang kapatid nang mula sa likuran ay sumigaw si Nana Inez.

“Angelo!” Dinaluhan nito si Anthony na nakaluhod pa rin sa harap ng basag na figurin. “Ang mga anak na ito! Bakit ba kayo nag-aaway?”

Sinabi ni Angelo sa matanda ang dahilan. Binalingan ni Nana Inez si Anthony

“Totoo ba, Anthony?”

Nagyuko ng ulo ang binata. Napailing si Nana Inez. “Masasaktan si Wilna, anak. Higit kailanman ay ngayon ka niya kailangan. Paano niya tatanggapin ang kahihiyan at sama ng loob sa gagawin mo? At paano niya pakikiharapang mag-isa ang sinapit niya?”

“She will be… financially compensated…”

“Then break the engagement yourself, Anthony!” sigaw ni Angelo.

“Huwag!” Si Nana Inez. “Huwag mong gawin iyon, Anthony.”

“Ilang araw ko nang iniisip ang mga bagay na ito, Nana. Yarina ang pasya ko. Isang malaking pagkakamali para sa aming dalawa kung matutuloy ang kasal,” tumayo ito at sa malalaking hakbang ay pumanhik sa itaas.

“Angelo… ano ang gagawin mo?” baling ng matanda rito.

Huminga nang malalim ang binata. Nagtatagis ang mga bagang. “Narinig ninyo si Anthony, Nana Inez. At lalong hindi tamang paaasahin natin si Wilna.”

Malungkot na umiling ang matanda. “Sasabihin mo ba, Angelo?”

Hindi sumagot ang binata. At sa buong magdamag na iyon ay halos hindi siya nakatulog sa kaiisip kung paano ipararating sa dalaga kung sakaling hindi na nga ito pakikiharapan ng kapatid.

6

K
INABUKASAN ay muling dinalaw ni Angelo si Wilna sa ospital.

“Good morning, Mr. Avila,” nakangiting bati ng nurse.

“Good morning,” nakangiting sagot ni Angelo na sumulyap agad sa dalaga na kumilos mula sa pagkakahiga. Ang nurse ay maingat na lumabas ng silid.

“Anthony…” usal ng dalaga. Umaliwalas ang mukha.

Tumikhim si Angelo. Magpapakilala sana siyang hindi si Anthony subalit muling nagsalita si Wilna.

“I thought you’d never visit me. Ang sabi ng mga doktor at nurse ay lumabas ka na days ago,” may hinampo ang tinig ni Wilna.

Kung anuman ang sasabihin ng binata ay biglang napigil sa lalamunan nito. He was fascinated by the voice.

Masarap pakinggan and she was speaking huskily. Para bang bumigkas pagkatapos ng isang pleasurable lovemakings.

Muling tumikhim ang binata. That was a stupid thought. Nang dahil lang sa tinig ng dalaga ay lumawak na ang kanyang imahinasyon.

“Dumarating ako pero lagi kitang inaabutang tulog,” kaila niya.

“I can’t see you. Why don’t you sit beside me?”

Atubiling lumakad si Angelo palapit sa higaan at naupo sa gilid ng kama. Natambad na muli ang mga pasa at galos ng dalaga. Muli ring nagbangon ang galit sa kapatid at ang simpatya kay Wilna.

Wala sa loob na ginagap niya ang isang palad ng dalaga at ikinulong sa kanyang mga kamay.

“Natutuwa ako, Anthony, at walang malubhang pinsalang nangyari sa atin.”

“Hindi mo ba ako sisisihin sa nangyari?” ang lumabas sa bibig ni Angelo.

Lumabi si Wilna. “Should I? No, I don’t think so. Aksidente iyon at magpasalamat tayo for coming out alive.”

“Kung hindi dahil sa akin ay hindi sana maka-cast ang braso mo at magkakaroon ng pinsala ang mga mata mo. Bibilang ng mga araw bago ka muling makakakita, Wilna,” may pag-aalala niyang sinabi. Dinala sa bibig ang palad ng dalaga at hinagkan.

Hindi malaman ni Wilna kung bakit parang may nanulay na init sa braso niya sa pagkakahalik na iyon ng kasintahan sa palad niya.

“M-muli pa ba akong makakakita, Anthony?” Nagkaroon ng lambong ang mukha niya. Nahimigan ng binata ang takot at insekyuridad sa tinig niya.

“Makakakita kang muli, Sweetheart. I promised you that. Kung walang mangyayari sa operasyon mo dito then we’ll go to the States,” naroon ang determinasyon sa tinig nito.

Pagkasabi noo’y saglit na kinuwestiyon ni Angelo ang sarili. Bakit kusang lumalabas sa bibig niya ang paniniyak na iyon?

Biglang nagliwanag ang mukha ng dalaga. Ngumiti siya.

Nanuyo ang lalamunan ni Angelo. Isang simpleng ngiti lang at naapektuhan na siya. There must be something wrong with him.

Pero agad na nahalinhan ng pagsasalubong ng mga kilay ni Wilna ang ngiti niya.

“Something’s wrong?” si Angelo.

“I—think so,” sagot ng dalaga. “Ang… ang boses mo. Alam kong boses mo iyan pero parang iba. Parang ikaw na parang hindi. Siguro dahil sa paraan mo ng pagsasalita. And you have never used any endearment to me before…”

“Gumamit ba ako?” amused na tanong ng binata.

“Tinawag mo lang akong ‘sweetheart…’”

Damn yon, Anthony! Hindi nito napunang lumabas sa bibig iyon. At paanong hindi gumagamit ng endearment si Anthony sa kasintahan?

“And aren’t you my sweetheart?” aniya sa malamig na tinig.

“Well… yes. Pero…” nagpakawala ng buntong-hininga ang dalaga. So tinawag siyang sweetheart ng kasintahan. Bakit kailangang gawan niya ng isyu iyon?

“May… may napuna pa akong kakaiba sa iyo…” dagdag niya.

Kinabahan si Angelo. Ano ba ang nangyari at bigla siyang nagpanggap na si Anthony? Hindi ba ang dahilan kaya narito siya ay upang dalawin lang ang dalaga? Magpakilala bilang ang kakambal ng kasintahan at kahit papaano ay pahiwatigan ang dalaga sa desisyon ng kapatid?

“Nagiging observant ka yata ngayon?” himig-birong sagot ng binata. “Napakaaktibo ng ibang senses mo dahil hindi ka nakakakita.”

“And you are wearing a different brand of cologne,” patuloy ni Wilna na hindi pinansin ang sinabi ng lalaki.

“Ow? Iyon ba? Sinadya kong palitan ang dati ko. Pagkatapos ng aksidente ay parang hindi ko na gustong gamitin ang dati kong cologne. Pero kung mas gusto mo ang dati ay ibabalik ko.”

Mabilis na umiling ang dalaga. “Huwag! Mas gusto ko ang scent ng cologne mo ngayon. It’s… it’s…” hindi niya itinuloy ang sasabihin. Pinamulahan siya ng pisngi.

“It is what? Ituloy mo ang sasabihin mo,” utos iyon.

“S-sexy? Manly? Hindi ko alam ang tamang salita,” pagkakaila niya. Hindi niya gustong isatinig na may kakaibang damdaming pinupukaw ang nasasamyo niyang cologne mula rito. Was it erotic?

“Hindi ba ganoon ang dating ko sa iyo dati?” tukso ni Angelo.

Hindi sinagot ni Wilna iyon. Nakatatawang isiping nang dahil lang sa cologne ay nagkaroon ng pagbabago ang damdamin niya sa binata.

Hindi rin nagpilit si Angelo. Marahang pinisil ang palad niya. Pakiramdam ng binata’y hindi magiging kainip-inip kahit maghapon silang mag-usap.

“Bukas nga pala ay lalabas ka na. Ang sabi ng doktor ay sa bahay ka na tuluyang magpagaling. Pagkalipas ng ilang mga araw ay babalik tayo dito upang alisin ang cast sa braso mo.”

Sukat sa sinabing iyon ng binata ay humigpit ang hawak ni Wilna sa palad nito. Na parang buhay at kamatayan niya ang nakataya.

Uuwi ba siya sa apartment ng landlady niya? Sino ang makakasama niya roon? Papaano siya makakakilos gayong hindi siya nakakakita?

Nagsalubong ang mga kilay ni Angelo. Punong-puno ng insekyuridad at takot ang mukha ng dalaga.

“Huwag kang mag-aalala. Sa bahay kita iuuwi. Makakasama mo si Nana Inez doon,” anito na tila nababasa ang takot sa mukha ng dalaga.

Bahagyang naalis ang lambong sa mukha ni Wilna pero hindi pa rin lumuluwag ang pagkakahawak sa kamay ni Angelo na inaakalang si Anthony.

“A-Anthony… ang—ang tungkol sa kasal natin…? Mauunawaan ko kung gusto mong magbago ng desisyon.”

“Don’t be silly. You will be Mrs. Avila, darling, sa ayaw at sa gusto mo. I promised you that. But we have to postpone our wedding hanggang sa tuluyan ka nang magaling. Well, we could be married right here and now. Pero hindi ko naman gustong ipagkait sa iyo ang pangyayaring minsan lang dumating sa buhay ng isang dalaga. Ang makapagsuot ng wedding gown. Nasa bahay na ang mga invitation cards. Tumawag si Bobbie at sinabing yari na ang trahe mo. Also, he sent flowers and wished you well.”

May tumulong luha sa mga mata ni Wilna pero hindi niya mapigil ang mangiti.

“You’re right. Silly me. It’s just that I’m so scared, Anthony,” pahikbi niyang sinabi.

“Come on, darling, don’t give me that waterworks,” natatawang sagot ni Angelo na pinahid ng thumbfinger ang luha sa mga pisngi ng dalaga. “Baka hindi kayang i-absorb ng cotton iyang nag-leak na tubong iyan ng Nawasa,” dagdag tukso nito.

Natawa si Wilna.

“I’m sorry…” usal niya.

“Kailangan mo nang magpahinga so I’d better go.”

Tumango ang dalaga at dinala sa mga labi niya ang palad ni Angelo. Kung nakakakita lang siya ay napuna niya sana ang biglang pagka-tense ng binata.

“Thank you, Anthony.”

Marahang binawi ni Angelo ang kamay. Huminga nang malalim at tumikhim. “Babalik na lang ako bukas so get ready,” pagkatapos ay yumuko at ginawaran ng halik ang dalaga sa mga labi na siya marahil gagawin ni Anthony sa ganoong kalagayan.

It was intended to be a brief kiss. Subalit hindi nito napigil ang sariling damhin with the tip of his tongue ang sulok ng mga labi ni Wilna.

Si Angelo ang napaso sa ginawa. Mabilis itong tumayo. Nakita nito ang kalituhan sa mukha ng dalaga. Walang sabi-sabing mabilis itong lumabas ng silid.

Naiwan ang dalagang hindi maipaliwanag ang sariling damdamin. Maraming beses na siyang nahalikan ni Anthony. Torrid kisses kung tutuusin pero hindi pa nangyaring makadama siya ng tulad ng nadama niya kaninang hagkan siya ng inaakalang kasintahan.

May malakas na boltahe ng kuryenteng gumapang sa buong katawan niya. And why did she find that instant kiss so erotic? At gusto pa mandin niyang salubungin ang halik na iyon kung nagtagal pa ng isang segundo. Sa panahon ng pagiging magkasintahan nila ni Anthony, never did she hunger for a kiss. At nang iwan ng lalaki ang mga labi niya ay nadama niya ang malaking kawalan.

Ano ang nangyayari sa kanya at nawala lang ang sense of sight niya ay nagsampung doble naman yata ang sense of feeling niya?

Samantalang si Angelo ay pinagdidiskitahan ang manibela ng Mitsubishi Montero niya. Ano ba itong pinasok niya? Bakit pinaniwala niya si Wilna na si Anthony siya? Bakit naapektuhan ni Wilna nang ganoon ang damdamin niya?

Naawa ba siya sa dalaga kaya pinaasa niya ito? Paano kung talagang hindi magbago ang isip ni Anthony at tuluyang hindi na pakasalan ang dalaga?

Kinapa ng binata ang sarili. Would he be willing to take Anthony’s place? At kung nakahanda siya, paano si Wilna? Tatanggapin ba siya nito?

Siguro ay nahihibang na siya!

Kanina, he was fighting so hard para lang huwag hagkan ang dalaga sa paraang gusto niya. Lord! Sa buong buhay niya, that was the shortest kiss he made on record! And yet it aroused millions of feelings na hindi niya kayang ipaliwanag.

He desired her! Ang kasintahan ng kapatid niya. She’s so soft na tila ba mababasag ito kung yayakapin niya.

Was it lust? Ganoon ba ang damdamin niya para rito?

Napapailing ang binata. Si Lucille ay modernang babae. Hindi siya ang nauna dito at ang pagtatalik nila sa panahong magkasintahan nila’y tila tulad na lang ng pang-araw-araw na gawain. Ikinumpara niya ang damdamin niya sa dating kasintahan at kay Wilna.

No! Magkaiba. She desired Wilna, yes. But at the same time he felt protective para rito. And yes, he was rock hard nang hagkan niya ang dalaga pero naroon ang pag-iingat at lalim ng nadarama.

At mula nang una niya itong mapagmasdan ay lagi na itong nasa isip niya. Para itong babasaging kristal. Hindi dapat masaktan. And she was so helpless. Paano na ito kung hindi siya nagpanggap na si Anthony?

Natitiyak niyang mag-iisa ito. And damn you, Anthony!

Gusto rin niyang murahin ang sarili dahil sa pagkaka-involved niya nang ganito. Siguro ay talagang nahihibang na siya. Dahil hindi niya malaman kung para kanino kaya siya nagpanggap.

Kung para kay Anthony dahil baka magbago ang isip nito, o para kay Wilna dahil naaawa siya sa dalaga. O, para sa sarili niyang damdamin.

Sa buong maghapong iyon ay mainit ang ulo ng binata. Pinagdiskitahan niya ang munti at bawat pagkakamali ng mga empleyado niya sa opisina.

Lalo pang nadagdagan ang inis niya nang pag-uwi nang hapong iyon ay wala si Anthony.

Tulad ng una ay hinintay niya ang pagdating ng kapatid subalit hanggang sa dalawin siya ng antok ay wala pa rin ito.

Kinabukasan ay sadya siyang nagpatanghali upang hintayin ang paggising nito. Alas-nuwebe y media nang bumaba si Anthony.

Nagtaka pa ito nang makitang naroon pa siya. “Surprise, Angelo! Tanghali na’y narito ka pa. I knew you to be an early bird.”

Naupo ito sa mesang kainan. Sinalinan agad ito ni Nana Inez ng kape sa tasa.

“Salamat po, Nana Inez. Kumain na kayo.”

“Pasado ala-una ka na nang dumating kagabi or shall we say kaninang madaling-araw.”

Patuyang tumawa si Anthony. Pagkatapos ay dinampot ang tasa ng kape at uminom. Muling inilapag sa platito at deretsong tiningnan ang kapatid.

“Here we go again, dear brother. Buhay na buhay sa katauhan mo ang papa. Tingin mo ba sa akin ay walong taong gulang?”

“Sikapin mong baguhin ang paraan mo ng pamumuhay, Anthony. And you will never hear from me. Hindi ka naman dating ganyan, ah.”

“Binata kaya naggo-goodtime. Magpasalamat ka pa nga at kahit na may sarili akong condo ay talagang dito ako umuuwi,” walang anumang naglagay ito ng bacon sa pinggan at isinubo ng daliri.

“May problema sa branch natin sa Taft. Bakit hindi mo subukang tulungan akong pamahalaan ang negosyo natin?” ani Angelo sa malamig na tinig.

Nagkibit ng balikat si Anthony. Sinulyapan si Nana Inez na nakayuko lang.

“Kayang-kaya mo ‘yan, Angelo. Hindi ba at iyan ang dahilan kaya sa iyo iniwan ng papa at mama ang pamamahala sa negosyo, pati na rin ang pagiging administrador? Na para bang ‘pag ako ang gumawa noon ay ibabagsak ko ang pinaghirapan nila o di kaya ay wawaldasin ko nang todo ang mana ko,” sarkastikong sagot nito.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Angelo. Nauunawaan niya ang kapatid. Nagtatampo ito sa naging laman ng testamento ng mga magulang hindi man deretsahang sabihin. Hindi rin niya maunawaan kung bakit ganoon ang ginawa ng mga ito. Natitiyak niyang walang kinikilingan ang mga ito sa kanilang magkapatid.

“Binibigay ko sa iyo ang karapatang mamahala. Kahit saang branch. Ikaw ang umaayaw.”

Hindi sumagot si Anthony. Nagpatuloy sa pagkain. Ilang sandali muna ang pinalipas ni Angelo bago muling nagsalita.

“Galing ako sa ospital kahapon…”

Isang kibit uli ng balikat ang tugon ni Anthony. Gustong mainis ni Angelo pero sinikap kalmahin ang sarili.

“Ang buong akala ni Wilna ay ako ikaw bago pa man ako nakapagpakilala.”

Doon nag-angat ng ulo si Anthony. Ngumiti at kumislap ang mga mata.

“Really? We’ve done it again, haven’t we? Just like the old days.”

Sa maraming pagkakataon noong mga binatilyo pa ang dalawa ay ilang beses silang nagpalit ng girlfriends at wala man lang nakahalata. Sa sine ay magpapaalam silang pupunta sa CR at pagkatapos ay maghahalili ng girlfriends.

Poor girls. Madalas sabihin ng papa nila na kinukunsinti ng kanilang ina ang kanilang mga kalokohan. At bagaman nagagalit ang mama nila ay alam nilang naa-amuse ito nang lihim.

“So, sinabi mo ba sa kanyang hindi na matutuloy ang kasal namin?” dagdag ni Anthony.

“I told her otherwise. Na sa malaon at madali ay magiging Mrs. Avila siya,” kaswal na sagot ni Angelo.

Wala sa loob na naibagsak ni Anthony ang tinidor sa pinggan. “Shit, Angelo! Wala kang karapatang gawin iyon!”

“Anthony!” saway ni Nana Inez sa pagmumura ng anak-anakan.

Nagyuko ng ulo ang binata. Kahit paano ay may paggalang ito sa matandang nanay-nanayan.

“Pupunta ako doon ngayon. Sasabihin ko sa kanyang hindi na matutuloy ang kasal. Don’t worry, Angelo, Nana Inez, I’ll break it to her very gently. Anyway, sasagutin naman nating lahat ang gastos hanggang sa tuluyan siyang gumaling.”

“Lalabas na siya ngayon. Paano sa palagay mo kikilos si Wilna sa apartment niyang tinutuluyan gayong hindi siya nakakakita?” sabad ni Nana Inez.

Inilahad ni Anthony ang dalawang kamay. “No problem. Hired a private nurse o di kaya ay kumuha sa agency ng katulong.”

Matagal na tinitigan ni Angelo ang kapatid. “Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit ako ang ginawang administrador ng mga magulang natin, Anthony. lyang attitude mo na ‘yan. You’re so spoiled in some ways na ang buong akala mo’y kayang tumbasan ng pera ang lahat ng bagay. Kahit ang damdamin ng kapwa. Kaya kung ako ikaw ay hindi ko gagawing pumunta doon ngayon,” malamig ngunit mapanganib ang tonong binitiwan ni Angelo.

Kilala ni Anthony ang tonong iyon ng kakambal. Totoong hindi ito natatakot sa kapatid pero somehow ay malaki ang respeto nito kay Angelo. Tumayo ito at nagpalakad-lakad.

“Ano ba naman ang gusto mong mangyari, Angelo?” “Bigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo. Magbabago marahil ang desisyon mo sakaling gumaling at makakita si Wilna. Pero huwag mong saktan ang damdamin ng kasintahan mo at this point in time. That’s heartless.”

“Ex!”

“That would be decided ‘pag nakakita na si Wilna. Dito ko itutuloy si Wilna mamaya ‘pag nailabas ko na siya. Patuloy akong magpapanggap na ako ikaw until such time you would come to your right senses. At natitiyak kong iyon ay ‘pag nanumbalik na ang kanyang paningin. Iyon naman ang dahilan kaya biglang nag-iba ang desisyon mo, hindi ba?”

Nalito si Anthony. Dinampot ang sigarilyo at nagsindi. Ano nga ba ang dahilan at bigla itong tila natauhan sa tunay na nararamdaman? Na isang malaking pagkakamaling magkatuluyan ito at si Wilna. Ginagawa lang nitong dahilan ang naging kapansanan ng babae pero somehow ay alam nitong hindi iyon ang totoo.

“Well?” si Angelo na sinulyapan si Nana Inez na hinihintay rin ang sagot ni Anthony.

“Hindi mo siya maaaring iuwi dito, Angelo. Akin ang bahay na ito at alam mo iyan. Ayokong sa sarili kong pamamahay ay mangingilag akong magkasalubong kami.”

“Ano ang masama roon? Hindi naman alam ni Wilna na narito na ako sa Pilipinas. Iisipin niyang ikaw pa rin iyon.”

“Hindi mo alam ang sinasabi mo, Angelo. At hindi ko rin alam kung bakit ginagawa mo ito. Maaari namang sa apartment na lang at ikuha siya ng nurse o katulong,” pagalit na’ng sagot ni Anthony. “Magkaiba ang brand ng cologne at perfume nating dalawa. Magkaboses nga tayo pero kung dalawang tinig ang halinhinang maririnig ni Wilna ay tiyak na maghihinala siya. At kung ano-ano pang maliliit na bagay tungkol sa atin na mapagkakakilanlan.”

Huminga nang malalim si Angelo. Totoo ang sinasabi ng kapatid.

“At isa pang dahilan, Angelo. And I hope you will not take it against me. Kami na ngayon ni Lucille,” umiwas ito ng tingin. Sunod-sunod ang hitit ng sigarilyo.

Nagtagis ang mga bagang ni Angelo. Hindi dahil may pagtingin pa rin siya sa dating kasintahan kundi hindi niya matanggap na ang uri ni Lucille ang ipapalit ng kapatid kay Wilna.

“Paanong nangyari?”

“Sa una, akala niya’y ako ikaw. Humingi siya ng tawad. It was only when we were in bed nang maghinala siya. Meron kang dalawang buhay na nunal sa dibdib and in some parts of your body that she seemed to have memorized and remembered,” humagalpak ng tawa ang binata sa tinuran.

Gustong maiskandalo ni Nana Inez. Hindi nito malaman kung matatawa o magagalit sa dalawang lalaki. “Nagalit siya sa primero,” sinabayan nito ng kibit ng balikat. “Ang sabi ko, she can leave the condo if she wants. I couldn’t care less really. Knowing Lucille, alam kong ‘di niya gagawin iyon. Para siyang nagtampo sa bigas,” muli itong tumawa nang malakas.

“And what happened to our friend Marlon?” Tinukoy nito ang kaibigan nilang ipinagpalit ni Lucille sa kanya.

“Wala siyang sinabi. Hindi ko rin tinanong. Natauhan siguro si Marlon,” sagot ni Anthony na nakangiti pa rin. “Ang rason lang naman ni Marlon ay upang patunayang mas nakakalalaki siya kaysa sa iyo by taking the woman he thought you love. You used to compete with each other, di ba? At lagi naman siyang talo.”

“At ikaw naman ngayon?” may nakatagong galit sa tinig ni Angelo.

“The relationship is good while it lasts, dear brother. Hindi ako seryoso kay Lucille. Nagtataka nga lamang ako sa iyo kung bakit muntik mo nang pakasalan ang babaeng iyon.”

Hindi agad nakapagsalita si Angelo. Siya man ay hindi rin maisip iyon.

“Bumalik tayo sa isyu, Angelo. Hindi kita pipigilan sa anumang gusto mong mangyari kay Wilna pero huwag mo siyang ituloy dito. Take her to your house in Tagaytay.

“Kung ang desisyon ko ang hinihintay mong magbago then hintayin na lang natin. At kung mangyaring hindi talaga magbabago ang pasya ko, anuman ang kahihinatnan ng ginagawa mo ay problema mo,” pagkasabi noo’y muli itong pumanhik sa itaas.

Ilang sandaling hindi nakakilos sa kinauupuan si Angelo. Sinulyapan si Nana Inez.

“Problema bang talaga itong pinasok ko, Nana?”

“Maaaring hindi dahil baka nga naging pabigla-bigla lang si Anthony. At maaari ring problema nga dahil baka umasa lang si Wilna sa wala. Sa kabilang banda, kung sakali mang putulin ni Anthony ang ugnayan nila ay mabuti na ngang mangyari iyon kung tuluyan nang magaling si Wilna. Sa ngayon ay masasaktan siya nang labis dahil sa kalagayan niya. Ikaw ang magpasya, Angelo.”

“May palagay akong tama ang huling sinabi ninyo, Nana Inez. We can break the engagement pagkatapos niyang maka-recover,” pinal na pasya ng binata.

7

N
ANG sunduin ni Angelo ang dalaga sa ospital ay kasama na si Nana Inez. Ang matanda ang siyang makakasama ni Wilna sa Tagaytay.

Nasa coastal road na sila nang magsalita si Wilna.

“Saan ba tayo pupunta, Anthony? Mukhang mahaba na ang tinatakbo ng sasakyan.”

“Doon kita itutuloy sa bahay ko… sa bahay ni Angelo sa Tagaytay,” sagot ng binata na bahagyang napangiwi sa muntik nang pagkadulas. Nagkatinginan sila ni Nana Inez sa rearview mirror.

“Tagaytay?”

“Oh, well, halos malapit na ito sa Nasugbu. Maganda ang klima roon at makatutulong ito sa physical and emotional recovery mo.”

“Sino ang nakatira roon?”

“Ang katiwala… ni Angelo,” naiilang siyang tukuyin ang sarili bilang hindi siya.

“Maganda roon, Wilna. Tiyak na magugustuhan mo ang klima at simoy ng hangin,” pangalawa ni Nana Inez.

“Eh, ikaw?” nilingon ni Wilna ang katabi kahit hindi nakikita.

“I’ll be there most of the time. Anyway, mga two weeks lang naman. Pagkatapos ay babalik tayo ng ospital dahil tatanggalin ang cast sa braso mo.”

“Ano ang gagawin mo kung wala ka sa Tagaytay? Oh, I’m sorry. Hindi ko ibig sabihin na inaalam ko…”

“Okay lang. Nasa opisina ako sa buong maghapon. Kung may kailangan ka, puwede mo akong tawagan doon. Alam ng Nana Inez ang numero ng telepono.”

Napangiti ang dalaga. “Ang daming nabago sa iyo magmula nang maaksidente tayo, Anthony. Naging interesado kang pamahalaan ang negosyo ninyo.”

Marahang natawa si Angelo. “Kung napapaharap ka pala sa kamatayan ay natututuhan mong pahalagahan ang mga bagay na dating hindi mo masyadong pinagtutuunan ng pansin,” muli niyang sinulyapan sa salamin si Nana Inez na ngumiti.

Makalipas ang mahigit na isang oras ay narating ng tatlo ang bahay ni Angelo sa dulo ng Tagaytay. Minana rin niya ito sa mga magulang nila. Alam ng mga ito na higit na maa-appreciate niya ang bahay na ito kaysa kay Anthony kaya dito napunta ang bahay sa Greenhills.

Isang ektaryang lupa ito na minana pa ng mga magulang ng magkapatid sa mga magulang ng mga ito.

Nasa istabilisadong katayuan na ang negosyo ng mga ito nang patayuan nila ng bahay. Lima ang silid ng buong bahay. Tatlo sa itaas at dalawa sa ibaba.

Maganda ang pagkakadisenyo ng bahay na tulad ng mga bahay sa ibang bansa na malalamig ang klima. Pinaghalong malalaking kahoy at bato. Lahat ng mga silid ay sa lake lahat nakaharap na pinagdudugtong ng isang covered terrace. Ang malalaking kahoy ay pinintahan ng mahogany brown at natural naman ang kulay ng mga bato.

Magaganda ang namumulaklak na mga halaman na inaalagaan ng matandang katiwala na si Mang Pedring.

“Ito ang magiging silid mo, Wilna. Sa kaliwa mo ang silid ni Nana Inez at sa kanan ay ang silid ko kung narito ako. Huwag mong subukang umikot sa kabahayan nang wala kang kasama. Maaari mong tawagin si Mang Pedring o si Nana Inez,” bilin ni Angelo.

“Aalis ka na ba kaagad?” may bahid ng lungkot ang tinig ni Wilna.

“I have to. May directors’ meeting sa opisina makapananghali,” sinulyapan nito ang suot na Rolex.

“D-dito ka ba uuwi mamayang gabi?”

Bahagyang natawa si Angelo. “You sound like a suspecting wife.”

Pinamulahan ng mukha ang dalaga at nagyuko ng ulo. Hinawakan ni Angelo ang baba ng dalaga at itinaas.

“Sisikapin ko pero hindi ako nangangako. I’ll give you a call kung hindi ako makakauwi,” marahang wika niya na akmang hahagkan ang dalaga pero napigil dahil sa narinig na papalapit na mga yabag. Si Nana Inez.

Nagyuko din ng ulo ang dalaga. May nadamang panghihinayang. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay inaasam niyang hagkan siya nito. Nararamdaman niya ang hininga nito sa pisngi niya.

“Aalis ka na ba, Ang… Anthony?” Humugot ng malalim na paghinga ang matanda. Kung hindi dahil sa warning sa mga mata ng binata ay nagkamali sana ito nang tuluyan.

“Oho. Kayo na ang bahala dito,” muling binalingan si Wilna. Marahang tinapik ng palad ang pisngi nito. “‘Bye.”

“Mag… mag-ingat ka sa pagmamaneho mo…” wala siyang ibig sabihin kundi ang totoong kahulugan noon dahil sa nangyaring aksidente.

Pero nangiti si Angelo.

Pareho silang tila mag-asawa na kung mag-usap. Iyon ang naiisip ng binata habang bumababa ng hagdan. And it feels good.

Si Wilna nama’y inilatag ang katawan sa kama.

“Ano ang gusto mong kainin sa tanghali, hija?”

“Kahit na po ano, Nana Inez. Gusto ko nga po pala kayong pasalamatan. Napakalaking kaabalahan sa inyo ang samahan ako dito.”

“Huwag mong intindihin iyon, Wilna. Ako ang nagprisinta na sumama dito. Balak nilang kumuha ng katulong o pribadong nurse. Pero mas mabuting kahit papaano ay kakilala mo ang makakasama mo,” wika ng matanda na binuksan ang sliding door sa terasa.

“Sino pong sila?” nagtatakang tanong ng dalaga.

Napatutop sa bibig nito ang matanda. “May sinabi ba akong sila? Ay, siguro ang ibig kong sabihin ay iyong doktor mo at si Anthony.”

“Alam ninyo, hindi ko po talaga alam ang gagawin ko kung wala si Anthony, Nana Inez. Nang malaman kong hindi ako makakakita ay nakadama ako ng sobrang takot. May mga gabing hindi ako makatulog. Natakot ako na baka nagbago na ang pagtingin ni Anthony sa akin dahil isang malaking kaabalahan para sa kanya ito. Kung nangyari iyon ay hindi ko alam ang gagawim ko, Nana Inez. Nag-iisa na lang ako,” malungkot na sinabi niya.

“Alam mong hindi ka pababayaan ng kasintahan mo, Wilna. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi mo sasapitin iyan bagaman hindi ko sinisi si Anthony dahil kasama naman siya. Isa pa, kung hindi nangyari ang aksidente ay tiyak na mag-asawa na kayo ngayon,” assurance ng matanda. Tama si Angelo kung ganoon sa pasiya nito.

“Nahihiya nga po ako sa kanya. Ang ibang lalaki ay maaaring magbago ng desisyon lalo na kung…” hindi itinuloy ng dalaga ang sasabihin. Hindi niya masabi sa matanda na kahit minsan ay hindi nasabi sa kanya ng kasintahang minamahal siya. Mas gusto niyang isiping ang plano nilang pagpapakasal ay more on convenience. Kung ano ay hindi niya alam.

“Huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano. Ipanatag mo ang iyong loob. Dalawang linggo mula ngayon ay malalaman natin kung kailan ka maooperahan.”

Tumango ang dalaga. Lumabas na ng silid si Nana Inez. Muli ay inokupa ng inaakalang si Anthony ang isipan niya. Hindi niya kayang ipaliwanag pero malaki ang ipinagbago ng pakikitungo sa kanya ng inaakalang kasintahan.

Noong unang makilala niya ito ay humanga siya sa mga pisikal nitong katangian tulad din ng ibang mga babae. Lalo na ang mga kasamahan niya sa apartment. At nang ligawan siya nito ay napakapalad ng pakiramdam niya sa sarili. And although they never spoke of love ay hindi siya nakadama ng insekyuridad dahil siya man ay hindi rin nasabi ditong iniibig niya ang binata.

Subalit nitong mangyari ang aksidente ay inaasam niyang sana’y marinig niyang sabihin ito ni Anthony sa kanya. Kung sabagay, mas sweet at mas thoughtful ang kasintahan ngayon. At kung may napupuna siyang pagbabago ay gusto naman niya ang pagbabagong iyon ng pakikitungo nito sa kanya.

Siya man ay nagbago din. Lagi niya itong pinananabikan na dumating. At magmula noong mangyari ang iglap na halik na iyon ay umaasam na siyang sana’y magkaroon sila ng pagkakataong magkasarilinan.

Napapailing sa sarili ang dalaga. She has become a romantic fool.

8

SA OPISINA ay dinatnan na ni Angelo ang naghihintay na bisita.

“Lucille!”

Tumayo ang babae mula sa kinauupuan at sumalubong sa kanya. Ikinawit nito ang mga braso sa leeg niya.

“Angelo, darling!”

Inalis ng binata ang mga kamay ng dalaga mula sa leeg niya. Tuloy-tuloy na lumakad patungo sa mesa at naupo sa swivel chair.

“Ano ang dahilan at narito ka, Lucille?” pormal niyang tanong.

Naupo ang babae sa gilid ng executive desk. Humahalimuyak ang mamahaling pabango na dati’y kinahahalingan niya. Hinagod niya ng tingin ang kabuuan ng babae.

Tila modelo ang tindig. Maganda at seductive. Kahit sino ay maaakit.

“Hanggang ngayon ba naman, Angelo, ay nagagalit ka pa rin sa akin?” malambing nitong sabi. Dumukot mula sa bag ng sigarilyo.

“Pasindi nga.”

“Alam mong hindi ako naninigarilyo, Lucille,” pormal pa rin niyang sagot.

“I’m sorry. Your brother smoked,” dinukot nito sa bag ang slim and gold lighter at sinindihan ang hawak na sigarilyo. Ibinuga ang usok paitaas.

“Sabihin mo kung ano ang sadya mo, Lucille, and make it fast dahil may meeting pa ako.”

“Mamaya pa iyon after lunch. Tinanong ko sa sekretarya mo,” itinaas nito ang isang binti upang magde-kuwatro. Tumambad kay Angelo ang magagandang binti nito na sadyang ipinakikita. Kung noon nangyari iyon ay hindi niya ito pinalalampas.

“Alam mo bang boyfriend ko ngayon si Anthony?”

“So I was told. Iyon lang ba ang sadya mo?” malamig niyang tugon.

“How could you be so cold, Angelo?” may himig pagsusumamo ang tinig nito. “Your brother deceived me. He pretended to be you.”

“For a while. Pero natuklasan mo rin agad na hindi siya ako, ‘di ba? Hindi ka pinilit ni Anthony.”

“Nagkamali ako, Angelo. Inaamin ko. Balak kong sumunod sa iyo sa Amerika para humingi ng tawad. Alam kong mahal mo pa rin ako. Nang makita ko si Anthony sa isang party ng mutual friend, ang buong akala ko ay ikaw siya. And I was so lonely. At nang malaman kong hindi ikaw iyon ay nasa loob na kami ng condo unit. He seduced me and I have no choice,” paliwanag ng babae na tila maiiyak.

“Ano’ng ibig sabihin nang sinabi mo, Lucille? Huwag mong sabihing nagsawa ka na agad sa kapatid ko? Sa pagkakaalam ko, wala pang isang linggo mula nang magkaroon kayo ng ugnayan.”

“Don’t be cruel, Angelo. Isang taon din tayong may pinagsamahan.” Tumayo ito at lumapit sa binata. “Hindi mo ba ako mapapatawad?”

“Kung iyon lang ang gusto mo, Lucille, you’ve got it. I have forgiven you already. At wala akong hinanakit sa iyo,” malamig pa sa yelo ang tinig niya.

“I can’t stand Anthony, Angelo. He’s rough. Hindi siya tulad mo. Everytime he touches and kisses me, all I could think of is you,” may mga luha nang pumatak sa mukha ng babae.

“Cut the act, Lucille! Hindi bagay sa iyo.”

“Huwag mong sabihin iyan, Angelo. It hurts! Maaaring magkamukha kayo ng kapatid mo but you’re different in so many ways.”

“Making bed comparison? Huwag mong sabihing may maipipintas ka sa kapatid ko pagdating sa kama, Lucille. Knowing Anthony, he will eat you alive. So to speak. At hindi ba iyon ang gusto mo?” malisyosong ngumiti si Angelo.

Namula ang mukha ng babae sa insultong iyon. Nagbuka ng bibig upang magsalita pero muling nagsalita si Angelo.

“At tama ka. Hindi kami pareho ni Anthony. Why, I can treat anyone with extra care and gentleness. Pero hindi ang kapatid ko. He is only gentle to a lady. And you ain’t no lady, Lucille.”

Nag-init ang mukha ng babae. Itinaas ang kamay upang sampalin ang binata pero nahawakan nito ang kamay niya.

“Hindi mo kailangang maging bayolente,” sarkastikong ngumiti ang binata.

“And who’s a lady, Angelo? Ang babaeng kinupkop mo na sana’y pakakasalan ni Anthony? Why, sino ba ang babaeng ito at ganoon na lang ang interes ninyong magkapatid? Talaga bang pakakasalan siya ni Anthony o gimik lang ninyong magkapatid iyon para pareho ninyong pakinabangan ang babaeng iyon kung sino man siya?” galit na wika ni Lucille na biglang binawi ang braso.

Nagtagis ang mga ngipin ng binata. “Pakakasalan ni Anthony si Wilna, Lucille. And yes, she’s a lady by par.”

Umismid si Lucille. “If I can’t get you back, Angelo, Anthony will suit me just fine. Gagawin ko ang lahat para hindi niya pakasalan ang babaeng iyon if only to spite you!”

“Then you don’t know my brother.”

“I doubt it. Afterall ay baka maging mag-bayaw pa tayo, ha, Angelo?” nanunuyang ngumiti ang babae. “So don’t count on your ‘lady’!”

Pagkasabi noo’y mabilis na lumabas ng silid si Lucille at malakas na ibinagsak ang pinto.

Nahahapong sumandal sa silya ang lalaki. Ngayon siya nagtaka kung bakit ninais niyang pakasalan ito. Parang gusto niyang tawagan si Marlon at pasalamatan ito.

Pagkatapos ng directors’ meeting ay dalawang appointment na sunod-sunod ang hindi maiwasan ni Angelo. Masyado nang gabi para umuwi ng Tagaytay.

Tinawagan niya si Wilna.

“Hello?”

“Anthony?” Oh, dear! Bakit hindi niya mapigil ang pananabik sa tinig nito. “Nasaan ka? Uuwi ka ba?”

“Afraid can’t, darling. Ngayon lang natapos ang huling meeting ko and I still have to talk to someone.”

“Oh!”

Natawa nang marahan si Angelo. “Ano ang ibig sabihin niyang ‘oh’ na iyan? Gusto mo bang umuwi ako ngayon?” malambing niyang tanong.

“Yes! I mean no…” nagkakandautal siya. Mag-aalas onse na ng gabi at may kakausapin pa ito. At this hour? “Sa Greenhills ka na lang umuwi. Gagabihin kang masyado and I presume you’re very tired.”

Hindi ganoon kapagod kung gusto mo talaga akong umuwi ngayon,
bulong ng binata sa sarili.
Just say the word and I’ll be there. Anthony can wait.

Pagkaisip sa kapatid ay biglang natauhan si Angelo. Si Anthony ang alam ni Wilna na kausap nito.

“I’ll have to hang up,” ani Angelo sa pagalit na tono.

“O-of course. Bye…” sagot ng dalaga na nagulat at nasaktan sa nahimigang galit na tinig ng kasintalian. Bakit?

9

MAGKAPANABAY lang halos na dumating sina Angelo at Anthony.

“Buong akala ko ay sa Tagaytay ka matutulog,” si Anthony na may bahagyang malisya ang tinig.

“Kung nagseselos ka, then I’m glad. Magandang senyales iyan na hindi mo talagang gustong iurong ang kasal ninyo ni Wilna sa sandaling manumbalik ang paningin niya,” aniya na ibinagsak ang sarili sa sofa. Niluwagan ang necktie.

Nagkibit ng balikat si Anthony na sinabayan ng marahang tawa. “Bahala ka, Angelo. Pero ano nga bang malay natin, baka tama ka,“sinulyapan nito ang katulong at sumenyas ng kape. Sumunod na rin si Angelo.

Naupo si Anthony sa kabilang sofa at itinaas ang mga binti sa mesa. Isang ngiti ang sumilay sa mga labi nito.

“Ano ang ibig sabihin ng mga ngiting iyan?” nagtatakang tanong ni Angelo.

“Would you believe na kung hindi nangyari ang aksidenteng iyon ay naganap sanang una ang honeymoon namin ni Wilna?”

“Ano’ng ibig mong sabihin?” ulit ni Angelo na nagsalubong ang mga kilay

“Nang araw na iyon ay patungo kami sa condo unit ko. And for the very first time ay hindi siya tumanggi, so I really drove fast at baka magbago pa ang isip niya,” iiling-iling ito na muling tumawa. “Hindi ba ang pagkakataon ay talagang ayaw sa akin o talaga lang iniiwas ako sa pagpapakasal sa babaeng hindi ko matiyak sa sarili ko kung gusto ko nga.”

Sinikap ni Angelo na huwag makita sa mukha niya ang relief sa sinabing iyon ng kapatid.

“Ibig mong sabihin ay isinapanganib mo ang buhay ninyong dalawa nang dahil lang sa lust? Hindi ko mapaniwalaang ginawa mo iyon, Anthony!”

Amused na ngumiti ang binata. “Not really. Alam mo namang mabilis lang talaga akong magpatakbo. Hindi ko natantiya ang signal light. Pero sa isang banda ay hindi mo ako masisisi, Angelo. Alam mo bang mula pa noong mga bata pa tayo ay si Wilna lang ang girlfriend kong hindi ako makalusot? That was also one of the reasons kung bakit inalok ko siya ng kasal. Bakit ba ay gusto ko nang maniwalang nawala na ang charm ko sa mga babae. She really have wounded my ego.”

“Ang sabi mo ay hindi siya tumanggi noong araw na iyon.”

“She never said yes, either. Kung wariin ko pa nga ay puro kalituhan ang nasa mukha niya.”

Ilang sandaling hindi nagsalita si Angelo. Hinagod ng tingin ang kapatid. Pagkatapos ay dinampot ang kapeng inilapag ng katulong at uminom.

“Kumusta kayo ni Lucille?” aniya.

Malisyosong ngumiti si Anthony. “Galing lang kami sa condo unit. Wala nga sana akong balak umuwi pero alam mo naman ako, hindi ako sanay na hindi dito natutulog. Iniwan ko siya doon.”

“Nakipagkita siya sa akin kanina sa opisina.”

Tumaas ang kilay ng binata. “Talaga? If you want her back, she’s all yours,” muli itong tumawa nang malakas.

Tumawa na rin si Angelo. Bakit ba hindi niya makuhang magalit sa kakambal. Poor Lucille.

“Ang sabi niya sa akin ay baka raw maging mag-bayaw pa kami,” aniyang muling dinampot ang tasa ng kape at uminom.

Lumakas ang tawa ni Anthony. “Papayagan mo ba naman, ha, my dear brother? Katulad ka ng papa, Angelo. You will move heaven and earth para isang matinong babae ang ipanhik ko sa bahay na ito.”

Pagkatapos ay pumormal ito. “Huwag kang mag-alala, Angelo. Matapos ang problemang ito at talagang hindi ko gustong matuloy ang kasal namin ni Wilna ay hindi na ulit mauulit ang pagkakamaling iyon. I won’t proposed to anyone hanggang hindi ako sigurado sa damdamin ko. It must be love or nothing at all.”

Si Angelo naman ang natawa. At kung may ibang makakakita sa magkapatid sa ganitong eksena ay tiyak na hindi mapipigilang di-humanga. These two handsome men are talking like they were gods of Roman Mythology.

“Love? Come on, Anthony. A womanizer that you are!”

Bumunghalit ng tawa ang kapatid. “Look who’s talking!“

10

A
NG IKALAWANG gabi ni Wilna sa bahay ni Angelo.Nasa terasa siya at nakatanaw sa kadilimang bumabalot sa labas. Kadiliman dahil kahit pa magliwanag at muling sumabog ang bulkang Taal ay hindi niya ito makikita.

Mag-aalas-nuwebe na. Nawawalan na siya ng pag-asang uuwi pa ang inaakalang kasintahan. At nakakadama siya ng matinding pangungulila. Higit kailanman, ang mga sandaling ito ang pinakamalungkot.

Ang hindi niya napupuna ay kanina pa sa may salaming pinto si Angelo at pinagmamasdan siya. Ang tanging liwanag ay nanggagaling sa kuwarto nilang pareho.

Nakasuot ng manipis na damit-pantulog ang dalaga. Inililipad ito ng hangin, humahapit at bumabakat sa maganda niyang katawan. Ganoon din ang lampas-balikat niyang buhok.

Walang ingay na nilapitan ni Angelo si Wilna. Dahil hindi nakakakita ay higit na malakas ang pandamdam ng dalaga.

Humarap siya at napasiksik sa trianggulo ng barandilya.

“A-Anthony…?”

Hindi sumagot si Angelo. Sa halip ay lumapit pa at itinukod ang mga braso sa barandilyang bakal. Nakulong ang dalaga.

“Anthony…” ulit niya na bumilis ang pintig ng puso na sa wari ay naririnig na ng kaharap.

“Paano mong natiyak na ako?”

“Ang cologne mo.”

Ngumiti ang binata. “Ang akala ko pa naman ay magugulat kita.”

“Ang… akala ko ay hindi ka uuwi ngayon,” aniya sa mahinang boses.

“Hinihintay mo ba ako?”

Yes!
Gusto niyang sabihin pero walang lumabas sa bibig niya. Napakalapit ng binata at humahaplos sa mukha niya ang paghinga nito. At nagtatayuan ang mumunting balahibo niya sa katawan.

“I—am not properly dressed. Hindi ko alam na darating ka. Nakapantulog lang ako,” bahagya siyang nag-stammer. Kailan pa nangyaring nag-uumalpas ang puso niya sa tuwing lalapit si Anthony?

“So?” tumaas ang mga kilay ng binata.

“Mag—bibihis muna ako. Then we’ll talk. Naghapunan ka na ba?” aniya sa pagsisikap na maging kaswal. Gusto niyang humarap dito pero kinakabahan siyang kapag kumilos siya kahit bahagya ay magdidikit sila.

“Doon sa kung naghapunan na ako ay oo. With a business associate. At doon sa magbibihis ka muna, hindi. You don’t have to be prude, Wilna. Kung hindi nangyari ang aksidente ay akin ka na noong araw na iyon.”

That’s unfair, Angelo! Bakit kailangang gamitin mo ang impormasyong nalaman mo mula kay Anthony?
akusa ng binata sa sarili.

Hindi sumagot si Wilna. Bakit may himig ng galit ang tinig ng kasintahan? Idinikit ni Angelo ang dibdib nito sa likod niya. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng dalaga.

Pinaglaro ni Angelo ang mga daliri sa mamasa-masa pa niyang buhok. Naligo siya kani-kanina lang. At marahil ay tinuyo na ng hangin ang buhok niya.

Idinikit nito ang mukha sa ulo niya. Sinamyo ang buhok.

“Alam mo ba kung ano ang amoy ng buhok mo?”

“Shampoo?”

“It has herbal scent,” patuloy ni Angelo. “It smells of forest, tulad ng kagubatang nakapaligid sa bahay na ito. Iyon bang pagkatapos ng isang mahabang ulan. Sweet and refreshing.”

Marahang pinisil nito ang balikat niya.

“A poetic description para lang sa buhok,” gustong mangiti ni Wilna.

Tumikhim ang binata. Inalis ang mga kamay mula sa mga balikat ng dalaga at ipinulupot sa baywang niya.

Kung noon ginawa ni Anthony ang mga advances na ito ay natitiyak niyang iiwas siya.

Pero ang kaibahan ay hindi ganito ka-sweet si Anthony sa kanya noon. Lagi na ay obvious ang lust na ipinakikita nito sa tuwing nagkakalapit sila. Well, the change of tactics did him well.

“Gusto kong ulitin ang sinabi ko kanina, Wilna. Kung hindi ba nangyari ang aksidente, would you have been mine?”

“Hindi ko alam, Anthony. I was so confused. Nahahati ang isip ko sa pagitan ng moral values ko at ng katotohanang ilang araw na lang ay mag-asawa na tayo. Isa pa, hindi ko talaga maramdamang I wanted to have sex with you.”

“Sex, Wilna?”

“Obvious na iyon ang ipinadadama mo. Ikaw ang unang boyfriend ko, Anthony, at natatakot ako sa mga overtures mo. Hindi ko alam kung paano ako makikibagay,” may kalituhan niyang sinabi.

Nakahinga nang maluwag si Angelo. Tama si Anthony. Hindi ito nakasisigurong paaangkin dito si Wilna. At bakit kailangang lumuwag ang dibdib niya gayong magkasintahan ang dalawa at nakatakdang magpakasal?

Humigpit ang yakap nito sa dalaga na nakahilig ang likod sa dibdib ni Angelo. “Ano nga pala ang ginagawa mo dito sa terasa sa ganitong oras? Malamig at manipis lang ang suot mo?”

“Hindi ako makatulog… basa pa ang buhok ko…”
at iniisip kita
, gusto niyang idagdag.

Ilang sandaling katahimikan anglumipas bago muling nagsalita si Wilna.

“Bakit mo ginagawa ito, Anthony?”

Nagsalubong ang mga kilay ng binata. Lumuwag ang pagkakayakap sa kanya at marahan siya nitong iniharap.

” Anong klaseng tanong iyan?”

Huminga nang malalim ang dalaga. “You could have turned your back. At maaari rin namang ipaubaya mo na lang sa mga bayarang tao…”

“Hindi ko inaasahang marinig iyan mula sa babaeng pakakasalan ko,” agap ng binata.

“I’m sorry. But all of a sudden you turned into a very loving and considerate man.”

Itinaas ng binata ang mukha niya. “Ganoon ba ako kasama noon? Then you probably have loved me that much dahil pumayag kang pakasal sa akin.”

Mapait na ngiti ang pinakawalan ng dalaga. Nagyuko ng ulo. Love?
We never speak of love.

“Do you love me, Wilna?” seryosong tanong ni Angelo.

“Do you love me?” ganting tanong ng dalaga na bahagyang nagulat sa tanong na iyon ng kasintahan.

Gusto nitong iwasang sagutin iyon dahil hindi naman siya si Anthony na siyang tiyak na tinatanong ng dalaga, pero punong-puno ng insekyuridad ang mukha ni Wilna at gusto ng binatang pawiin iyon.

Muli nitong kinabig ang dalaga sa dibdib at sumagot sa ibabaw ng ulo niya. “I love you… yes, I love you!” puno ng damdamin iyon hindi in-behalf of Anthony. Kundi dahil siya si Angelo.

“And I love you, too. Mahal kita,” napakadaling lumabas sa bibig niya iyon at comfort and security ang nadarama niya sa mga bisig ng binata. It feels so right and natural to be in his arms… that she belonged there forever.

“Which Anthony, Wilna? Ang Anthony bago nangyari ang aksidente o ang kaharap mo ngayon?”

“Does it matter? Magkaiba ba ang dalawang iyon?” naguguluhang tanong niya.

Hell! Bakit kailangan nitong malaman? Kahit na aling Anthony, ang kapatid pa rin nito ang minamahal ng dalaga.

“No,” mahinang sagot ng binata. “It doesn’t matter. Mahal kita at mahal mo ako. Iyon naman ang mahalaga, ‘di ba?”

Bago pa nakapagsalita si Wilna ay bumaba na sa mga labi niya ang mga labi ng binata. At nakalimutan niya ang lahat maliban sa mga labing nagdudulot ng kakaibang damdamin sa kanya.

Itinaas niya ang walang diperensiyang braso sa leeg ng binata na para bang natatakot siyang mawala ito. Inaanod siya ng nag-aalab na damdamin na minsan man ay hindi niya nadama noon.

Mula sa mga labi niya ay lumipat ang mga labi ng binata sa noo… sa pisngi niya… caressing her eyes, slowly yet hungrily.

Naririnig niya ang paulit-ulit na pagbulong ng binata sa pangalan niya. Habang naglalakbay ang mga labi nito pababa sa leeg niya at pababa sa dibdib. Bale-wala ang manipis na pantulog na tumatabing dito. He was kissing her wildly. And he was touching her breast possesively and yet so gently. Dapat ay matakot siya at umatras tulad noon. Subalit hindi iyon ang nadarama ng dalaga. At hindi siya makapaniwalang sa kanya galing ang mahinang pagsinghap at ungol na tila siya nalulunod.

Sa pagkakadikit ng kanilang mga katawan ay nadarama niya that he was fully aroused at lalo itong nagdagdag sa nag-aalab niyang damdamin. She wanted him to make love to her. Turuan siya kung paano.

Ang sumunod niyang namalayan ay ang pagbuhat sa kanya ng binata papasok sa kanyang silid. Maingat siya nitong inilapag sa kama. They were silent for sometime. Ang tangi niyang naririnig ay ang hard breathing ng binata. Siya man ay alam niyang marahang tumataas at bumababa ang dibdib niya.

Hinaplos nang marahan ni Angelo ang mga labi niya. A little bit swollen from his kisses.

“You make me crazy, darling,” wika nito sa kontroladong tinig. “Better get to sleep bago ko malimutang hindi ka nakakakita at naka-cast ang braso mo.”

“Does it matter?” aniya na nagulat sa sariling sagot. Kung iba si Anthony ngayon ay may ibang Wilna rin.

“Yes it does,” mariing sagot ng binata. Nagtatagis ang mga bagang.
Gusto kitang angkinin ngayon din pero alam kong iisipin mong si Anthony ang katalik mo. At iyon ang hindi ko matatanggap!

Tumayo ito at kinuha ang kumot at maingat na kinumutan ang dalaga.

“Goodnight…” at mabilis itong lumabas ng silid.

Naiwang nagtataka si Wilna. Why the sudden change of mood? Lagi na lang itong ganoon. Sa tuwina ay natatapos ang mga pag-uusap nila na nahihimigan niyang nagagalit ito.

At bakit kung kailan handa na siyang ipagkaloob ang sarili dito ay saka naman ito umiiwas? Gusto niyang mapahiya at masaktan sa rejection na iyon.

Sa sariling silid ay mabilis na nag-alis ng kasuotan ang binata at pumasok sa banyo. Sinisikap alisin sa malamig na tubig ang init na nadarama.

Muntik na siyang makalimot. And lord, she was so soft and willing! Ni hindi man lang nagpamalas ng kahit bahagyang pagtanggi. She even responded achingly.

At akala ba niya ay ni hindi man lamang maka-first base si Anthony? Kung ginusto niyang angkinin ang dalaga sa oras na iyon ay tiyak na hindi ito tututol. At higit pang problema ang kahihinatnan noon. Paano kung malaman ni Wilna na hindi siya si Anthony? Paano kung tulad ng gusto niyang mangyari ay pakasalang tuluyan ng kapatid ang dalaga?

Iyon nga ba talaga ang gusto niyang mangyari? Ang tuluyang magpakasal ang dalawa?

Bakit sa halip na makagaan ay lalo yatang naging komplikado ang lahat para sa kanya. Na-involve nang tuluyan pati sariling damdamin. At isiping sinabi niya ritong iniibig niya ito?

Iniibig ba niya si Wilna? Siya bilang si Angelo?

11

S
INIKAP ni Angelo na hindi na muling maulit ang nangyaring iyon. Sa loob ng isang linggong nagdaan ay dalawang beses lang itong nagbalik ng Tagaytay. Araw ng Sabado at Linggo. Pero sinikap nitong dumistansiya kay Wilna.

“Gusto mo bang ipasyal kita sa paligid?” tanong ni Angelo kay Wilna nang araw na iyon ng Linggo.

“Useless rin dahil hindi ko naman nakikita ang paligid,” malungkot na sagot ng dalaga. Pormal ang tinig ng binata at nasasaktan siya. Kung wariin niya ay muli itong nagbalik sa dati minus the overtures.

“Puwede tayong mag-horseback riding. May dalawang kabayong inaalagaan si Mang Pedring. Mahihiram natin iyon.”

Gusto ko talagang sumama sa iyo, Anthony. Pero ayokong gawin mo ito dahil lang sa responsibilidad,
ang isinasaloob ng dalaga.

Sa kabila ng makitid na bandage ay kitang-kita ni Angelo ang sari-saring emosyon sa mukha ng dalaga. Nagtatagis ang mga bagang nito. At nagagalit ito sa sarili.

Alam ni Angelo na nasasaktan ang dalaga sa pakita niya nang sumunod na dalawang araw. Pero ano ang gagawin niya? Siya man ay nahihirapan din. Kahapon ay inaasahan ni Wilna na dito siya maghahapunan at matutulog pero bago mag-alas-singko ay bumalik siya ng Maynila.

“Saka mo na lang ako ipasyal ‘pag nakakakita na ako, Anthony. Hindi rin ako mag-i-enjoy at magiging abala lang ako sa iyo,” malungkot nitong wika.

“Shit! Hindi ka kaabalahan! Itanim mo sa isip mo iyan.”

Ni hindi binalak ng dalagang sagutin iyon. Kung nakakakita lang siya ay tumakbo na siya paalis sa harap nito. Hindi niya gustong nagagalit ang kasintahan sa kanya. At kung sasagot siya ay baka hindi niya mapigil ang mga luhang nakaabang sa pagpatak.

Tinusok-tusok ng nanginginig na kamay ang pagkaing nasa harap niya. Halos madurog na ng kutsarita ang gelatin.

Mabilis na tumayo si Angelo at hinawakan sa magkabilang balikat ang dalaga at itinayo ito. Niyakap.

“I’m sorry. Hindi ko gustong magtaas ng boses…”

She felt so helpless. Sinisikap niyang huwag mahabag sa sarili. Kahit kailan ay hindi niya gustong maramdaman iyon. Iyon ang pinakamatinding kalaban sa lahat.

Mabilis niyang ikinurap ang mga mata upang pigilin ang luhang nagpipilit bumagsak.

“I’m okay… Anthony,” aniya sa pinatatag na tinig. “Alam kong mahirap sa ating pareho ang kalagayan ko ngayon. I appreciate your trying to please me… I really do. Kung wala ka… ang Nana Inez… hindi ko alam ang gagawin ko. Please, huwag kang magagalit sa akin.”

Napatingin sa kisame ang binata. Nang magbaba ng tingin ay napuna sa dulo ng dining room si Nana Inez na iiling-iling. Naroon ang simpatiya sa mga mata nito. Kung para kanino ay hindi niya nais malaman.

Marahan niyang nailayo sa kanya ang dalaga at muling pinaupo. Hinila ang isang silya at naupo rin sa tabi nito. Ginagap ang isang palad.

“Hindi ako nagagalit sa iyo, Wilna. Hindi ko magagawang magalit sa iyo.”

Tumango ang dalaga. “May gusto akong i-suggest, Anthony.”

“No. Don’t say anything. I’m sorry kung nakapagtaas ako ng tinig pero hindi ako nagagalit sa iyo… nagagalit ako sa sarili ko!”

“Makinig ka muna,” sansala ng dalaga. “Gusto kong tawagan mo si Dr. Valle bukas. Sabihin mo sa kanyang nakahanda akong maoperahan anytime next week.”

“Wilna?”

“Hindi ba at kaya lang naman tumatagal ang schedule ng operasyon ay dahil nag-aalala kayo sa emotional well-being ko? I’m okay, Anthony. Mas nakamamatay isipin ang matagal na paghihintay at anticipation, I want you to schedule the operation soon,” determinadong wika niya.

“Sigurado ka? Hindi ka…”

“I’m positive. And please, huwag mo akong iiwan sa mga oras na iyon.”

“Nasa tabi mo ako, Wilna, sa lahat ng sandali,” paniniyak ni Angelo.

12

KASABAY ng pag-alis ng cast ni Wilna nang sumunod na linggo ay inoperahan ang mga mata niya. At naroon lagi si Angelo sa tabi niya hanggang sa matapos ito.

“There’s no need to stay longer in the hospital, Miss Martin. At hindi mo na kailangan ang bandage sa mga mata mo. Rest for a while men you can take her home, Mr. Avila,” anang doktor.

“Kailan magbabalik ang paningin niya, Dok?” Sinulyapan ang dalagang nakahiga sa stretcher.

“Gradual ang panunumbalik ng mga paningin niya. Sa simula ay malabo hanggang sa unti-unting paglinaw. Two to three days her eyesight will be back. Kung may problema, sa clinic ko na lang kayo magpunta,” inabutan nito ng calling card si Angelo.

Tumayo ang binata at kinamayan ang doktor. “Thank you, doc.”

“I hope I will be invited to the wedding,” nakangiting biro ng doktor.

“Sure,” sang-ayon ni Angelo na muling sinulyapan si Wilna.

Makalipas ang ilang oras ay muling nakabalik ng Tagaytay ang dalawa.

“Parang ang gaan ng pakiramdam ko na natanggal ang cast sa braso ko,” natatawang wika ng dalaga nang inaalalayan na siya ng binata palabas ng sasakyan.

“Iyon talaga ang mararamdaman mo. At kung makikita mo lang ang braso mo ngayon ay magugulat ka.”

“Why?”

“Tinubuan ng pinong balahibo ang parteng naka-cast,” ani Angelo na tumatawa.

“Oh!”

Sinalubong sila ni Nana Inez na nanibago sa pagkakatanggal ng benda sa mga mata ng dalaga. Maliban sa hindi ito nakakakita pa ay muling nanumbalik ang dating anyo ng dalaga na tila walang nangyari.

“Sabihin mo agad sa akin, Wilna, kung medyo nakakabanaag ka na, ha?”

“Siyempre naman po,” aniya na kinakabahan. Talaga bang makakakita siya? Manunumbalik bang talaga ang paningin niya? Naroon pa rin ang alalahanin sa dibdib niya pero hindi na niya gustong ipaalam pa sa dalawa.

Hindi rin gaanong nagtagal si Angelo at muling nagbalik ng opisina dahil may appointment pa siyang aasikasuhin. Naipaalam na niya sa kapatid ang tungkol sa operasyon ng dalaga subalit nanatiling walang sinabi ito.

Kinabukasan, maaga pa lang ay bumalik na siya ng Tagaytay. Alas-tres pa lang ng hapon ay umalis na siya ng opisina.

Dinatnan niya ang dalaga sa labas ng hardin sa garahe. Agad itong tumayo nang buksan ni Mang Pedring ang gate.

“Hi.”

“Hello. Bakit ang aga mo?” may pananabik na tanong ng dalaga.

“Walang gaanong trabaho sa opisina,” sinulyapan niya ang relo sa braso. “Gusto mo bang maglakad-lakad sa paligid ng property?”

“Anong oras na ba?”

“Four thirty. Hindi na mainit ang araw. Magpapalit lang ako ng T-shirt at rubber shoes pagkatapos ay mamasyal tayo,” pagkasabi noon ay pumasok ng kabahayan si Angelo.

Ilang sandali pa ay magkahawak-kamay na silang namamasyal. Nararamdaman ng dalaga ang mga damo sa paa at binti niya.

May mga kinse minutos na siguro silang naglalakad nang huminto si Angelo.

“Dito na lang tayo. Ito kasi ang paborito kong… lugar. Ito ang pinakamataas na bahaging lupa. Matatanaw mo rito ang lake at ang mga nakapaligid na bundok,” hinila nito ang dalaga na maupo sa damo. “Alam mo bang nasa ilalim tayo ng puno ng niyog? O, macapuno pala dahil macapuno ang ibinubunga niyan.”

Kumislap ang mga mata ng dalaga. “Talaga? Marami bang macapunong nakatanim dito?”

“Siguro ay may mga anim o pitong puno ang nagbubunga ng macapuno. May ilang puno din ng langka sa paligid. Hindi kasi tumatanggap ng suweldo si Mang Pedring mula sa akin kaya ipinauubaya ko na sa kanya ang anumang mapapakinabangan niya sa lupa. At mas malimit na nagpapahatid iyan sa bahay sa Greenhills.”

“Bakit ikaw? Hindi ba at kay Angelo ang lupang ito sabi mo?”

Nag-alis ng bara ng lalamunan si Angelo. “Nasa… Amerika si Angelo kaya ako ang nangangasiwa.”

“Oo nga pala,” nakangiting sagot ng dalaga. Sumandal siya sa puno. Bahagya pa siyang nagulat nang humilig at umunan sa kanya si Angelo na inilatag ang katawan sa damuhan.

“You have a very impressive eyes…” ang wika na nakatingin sa dalagang nakayuko sa kanya.
I could drown in them,
bulong ni Angelo.

“Parang ngayon mo lang nakita ang mga mata ko, Anthony, kung magsalita ka?” aniya na nagsasalubong ang mga kilay

Tumikhim ang binata. “It’s just that I missed seeing those beautiful eyes for weeks.”

Ngumiti ang dalaga. “At kung hindi pa dahil sa aksidente ay hindi mo mapupuri ang mga mata ko, ha?”

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Angelo. Paanong naging bulag si Anthony sa mga katangian ng kasintahan.
You’re not that lousy, Anthony!

Muli nitong tinitigan ang mga mata ng dalaga. Ang mga mata ng dalaga ang pinakamaganda nitong asset. At isiping muntik nang mawalan ng silbi ang mga matang iyon!

“Gaano kalawak ang lupaing ito, Anthony?” Inikot ng dalaga ang paningin sa paligid kahit walang nakikita.

“Halos isang ektaryang undeveloped land.”

“Alam ba ng kapatid mo na ipinagamit mo sa akin ang bahay niya?” Pilit niyang pinipigil ang buhok na nililipad ng hangin.

“Sure. He doesn’t mind,” nakangiting sagot ni Angelo. Pumutol ng mahabang damo sa tabi at nilaro ito sa braso ng dalaga.

Sinisikap niyang huwag pansinin ang kiliting dulot ng ginagawa ng binata. Nakikita kaya nito ang pagtatayuan ng mga balahibo sa braso niya?

“Gusto ko rito kahit hindi ko pa nakikita. Tahimik at payapa. At gusto ko rin ang klima.”

Nagsalubong ang mga kilay ni Angelo. Magagalit ba siya o matutuwa? Noon ay nangarap siyang magustuhan ng babaeng pakakasalan ang lugar na ito. Inanyayahan na niyang minsan si Lucille dito subalit agad ding nagyaya makalipas ang dalawang araw. Naiinip dahil puro daw damo, bundok, dagat at bulkan.

Gusto niyang magalit dahil narito ang isang babaeng kahit hindi pa nakikita ang kapaligiran ay nagagalak na sa nadarama. At hindi kanya si Wilna!

“Sinasabi mo lang iyan dahil hindi mo nakikita ang nagtatayugang mga damo at kaparangan sa palibot. You’ll get bored sa katagalan.”

“Never. I hate city life. Sabi mo ay halos boundary na ito ng Tagaytay at Nasugbu. Makikita pa ba ang lake?”

“Oo naman. Paikot kasi ang lugar na ito at kahit hanggang sa makalampas na ng Tagaytay ay makikita mo pa rin ang Taal.”

“I’d love to live here, Anthony,” pagkatapos ay nagkibit ng balikat. “Oh, well… sa kapatid mo nga pala ito. Bakit sa kanya ipinamana ito at hindi sa iyo?”

“Do you take it against my brother o sa palagay mo ay unfair ang distribution ng mana?” tantiya ng binata.

Mabilis na umiling ang dalaga. “Oh, no! Nagtataka lang ako. Pero ikaw nga pala ay mahilig sa fast living and city life. That must be the reason. Alam ng mga magulang ninyo kung alin ang mas maa-appreciate ng bawat isa.”

Hindi kumibo ang dalawa ng kung ilang sandali. Si Angelo ay titig na titig sa mukha ni Wilna.

“Pagkatapos ng kasal natin, Anthony, dito na lang kaya natin i-spend ang honeymoon?” Huli na para bawiin niya ang kanyang sinabi. Pinamulahan siya ng mukha.

Isang mapait na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Angelo. Ginagap ang palad ng dalaga at hinagkan-hagkan.

“You are blushing. Dahil ba sa binanggit mo ang honeymoon?” tukso nito. Pagkatapos ay bumangon ito mula sa pagkakahiga sa kandungan niya.

Nagbuka siya ng bibig para sumagot subalit inawat iyon ng mga labi ni Angelo. Siniil siya nito ng halik.

“Then why do you sound very angry?” may kalituhang wika niya.

Dahil hindi ako si Anthony! Pangalan ni Anthony ang binibigkas mo! Hindi para sa akin ang apoy na nakikita ko sa mga mata mo!
gusto nitong isigaw sa dalaga.

“Dahil—kung hindi ko pipigilan ang sarili ko ay dito mismo sa lugar na ito at sa oras na ito ay aangkinin kita! And I want you so much you’re driving me crazy!” marahas nitong sagot.

Nangiti si Wilna na lalong ikinapika ng binata.

“Is it so bad?” aniya na hindi gumagalaw mula sa pagkakahiga sa mga damo,

“Alam mo nagtataka ako sa iyo…” si Angelo.

“Nagtataka rin ako sa iyo,” agap ng dalagang nakangiti pa rin. “Sa panahong magkasintahan tayo ay wala ka nang binalak gawin kundi ang mga sandaling magawa mo ang gusto mo sa akin.”

“At wala ka na ring ginawa kundi iwasan ako!” Agap rin ng binata ayon sa impormasyong ibinigay ni Anthony. “Pero bakit ngayon? At kahit noong nasa terrace tayo? You are more than willing!”

Pumormal ang dalaga. Itinuon ang mga mata sa langit.

“Strange. But you have changed. Noong araw, napaka-obvious na wala kang nais gawin sa akin but to take me to your bed. Everytime you touched me I felt so irritated dahil nakatanim na sa isip ko na sex lang ang gusto mo.”

“At ano’ng kaibahan nito ngayon?” pagalit na tanong ni Angelo. “I still have this aching desire for you. To have sex… not to make love to you.”

“Sinabi mo lang ang diperensiya. Sex and making love are two different things. Iyon ang pakiramdam ko. What happened here… at kahit sa terasa came out naturally. Hindi pilit, hindi pinlano. At isa pa nga iyon sa ipinagtataka ko. Since when you’ve been fighting for self-control? And how come you are making a fuss out of it?”

“Kung itinuloy ko, papayag ka?” hamon ng binata.

Matamis na ngumiti ang dalaga. “Hindi ba at ikaw ang may sabing I was more than willing? I might have. My first time would be in a bed of grass at twilight. Is it twilight now? Hindi ko malilimutan iyon until we grow old.”

“Damn you, Wilna! What an innocent tease you are!” magkahalong galit at amusement ang nasa tinig nito.

Inabot nito ang kamay ng dalaga at hinila patayo.

“Halika na at lumalamig na. At halos hubad ka na riyan sa suot mo.”

“Kanina, you find my dress very convenient para sa…”

“Shut up!” angil ni Angelo sa panunukso niya. Tumawa lang ang dalaga.

Inis na hinapit siya ng binata at niyakap. Itinaas ng kamay ang mukha niya. “I’ll give you that memories, darling,” he whispered huskily.
Kung mayroong pagkakataon para sa atin,
bulong nito. “I’ll make love to you… your first time, right here on this spot, at twilight! And you will have that to remember by hanggang sa pagtanda natin.”

“Promise me,” sagot ng dalaga sa seryosong tinig.

Natilihan si Angelo. Telling her and promising her are two different things.

“Promise me that…”

“Nangangako ako.”

Ngumiti si Wilna. “Anuman ang mangyari ay gusto kong sabihin sa iyong ang pinakamaligayang sandali sa buhay ko ay ang mga panahong kapiling kita dito.”

Mabigat ang dibdib na inakbayan ni Angelo ang dalaga pauwi.

Would he be able to fulfill his promise?

13

N
AKASISILAW na liwanag ang nagpagising kay Wilna kinabukasan. Napaungol ang dalaga dahil inaantok pa siya. Kinuha niya ang unan at itinakip sa mukha upang matulog muli.

Nang bigla siyang matigilan. May bumalik sa isip. Nasisilaw siya sa liwanag. Nasisilaw?

Tuluyan na siyang nagising. Inalis ang unang itinakip sa mukha. Itinuon ang mga mata sa pinanggagalingan ng liwanag. Talagang nasisilaw siya. Kinurap-kurap ng dalaga ang mga mata at naaninag niya ang pintuang salamin patungo sa terasa.

Kinakabahang bumangon ang dalaga at naupo sa dulo ng kama. Nababanaagan niya ang mga bagay sa loob ng kuwarto.

“Nana Inez!” malakas niyang hiyaw. “Nana Inez!”

Ilang sandali pa at humahangos na pumasok sa kuwarto niya ang matanda.

“Ano ang nangyayari, Wilna, at sumigaw ka?” nagtatakang tanong ng matanda.

Nilingon ng dalaga ang matanda. “Nakikita ko kayo! Nakikita ko na kayo!” paiyak niyang sinabi.

“T-totoo ba, hija?”

Mabilis na tumango ang dalaga. Muling inikot ang paningin sa paligid ng kuwarto. Marahang tumayo at tinungo ang sliding door at binuksan. Dumampi sa mukha niya ang malamig na simoy ng hangin.

Lumabas sa terasa at tuwang-tuwang tinanaw ang lake na bahagya pang napapalibutan ng fogs kahit alas-nuwebe na.

“Tama ako nang isipin kong maganda ang lugar na ito, Nana Inez!” Mga puno at matatayog na halaman ang nakikita niya. Mga halaman, mga damo at mga bundok.

Tuwang-tuwang pinanonood siya ng matanda. Niyakap ito ng dalaga. Hindi malaman kung iiyak o tatawa.

“Si… si Anthony po?”

“Kanina pa siya umalis, Wilna. May appointment daw siya nang maaga,” hindi napuha ng dalaga ang pagbabago ng ekspresyon ng matanda. Nakaalis na si Angelo. Paano ngayon?

“Pupunta tayo ng Greenhills ngayon, Nana Inez! Doon ko hihintayin si Anthony,” tuwang-tuwang wika niya na muling pumasok sa silid. “Hindi po ba at may iniwang sasakyan si Anthony sa atin? lyong ginagamit ninyo ‘pag nagpupunta kayo sa bayan.”

“K-kumain ka na muna, Wilna. Pagkatapos ay tatawagin ko si Pedring para siyang mag-drive sa atin,” nag-aalalang wika ni Nana Inez. Kailangang matawagan ng matanda si Angelo.

Ganoon nga ang ginawa ng matanda. Subalit dalawang beses na itong tumatawag sa opisina ng mga Avila ay hindi nito nakausap ang binata. Nasa labas at may appointment ayon sa sekretarya.

Hanggang sa makaalis sila ay hindi nakausap ni Nana Inez si Angelo.

14

NANG mga sandaling iyon ay nasa mansiyon si Anthony at kasalukuyang lumalangoy sa swimming pool. Nang makailang lap na ay umahon at naupo sa chaise longue.

“Eh, Sir Anthony, kakausapin po kayo nitong babae,” si Andoy.

Nilingon niya ang boy at sa likod nito ay may kasamang babaeng hawak ang karatulang nakasabit sa labas ng gate. So mag-a-apply na katulong.

Tinitigan ni Anthony ang babae mula ulo hanggang paa. Sinikap ng babaeng sa ibang bagay ituon ang pansin nang tumayo ang binata. Naka-bikini trunks si Anthony at halatang naiilang ang babae.

“Sige na, Andoy,” ani Anthony sa katulong.

Sandaling nilingon ng babae ang hardinero na parang gustong sabihin ditong huwag itong iwan.

“Maupo ka,” itinuro ng binata ang upuang bakal.

Walang kibong sumunod ang babae.

“Ina-apply-an mo ang posisyong nasa karatulang iyan?” Tumaas ang mga kilay ng binata. Hindi mukhang katulong ang babae. Bata ito at maganda.

“Ganoon nga po,” maiksing sagot ng babae na bahagyang nag-angat ng mukha.

“Ilang taon ka na?”

“Twenty one.”

“May reperensiya ka mula sa pinanggalingan mong amo?”

Subalit bago nakasagot ang babae ay sunod-sunod na busina ang nagpatayo kay Anthony. Natitiyak niyang galing sa Tagaytay ang mga dumating. Natanaw niya ang kotseng gamit.

Muli siyang naupo at bumalik sa babae ang pansin. “Nasaan na nga pala tayo?”

“Anthony!”

Nag-angat ng ulo ang binata. Nakita niya si Wilna kasunod si Nana Inez. Muli ay napatayo ang binata. Patakbong lumapit sa kanya ang dalaga.

“Oh, Anthony!” Niyakap ng dalaga ang kasintahan. “Nakakakita na ako!”

Sinulyapan ni Anthony si Nana Inez. May kahulugan ang mga tingin ng matanda. Inakbayan niya ang dalaga.

“I don’t know what to say!” nakangiting sagot ni Anthony.

Tumingala sa kasintahan ang dalaga. Hindi niya maunawaan pero parang gusto niyang manibago.

Bagaman nakangiti ito ay tila may lambong ang mga mata. Nabaling ang pansin niya sa babaeng nakaupo na sa kanila rin nakatingin.

“May bisita ka?”

“Ow? Nana Inez, kayo na nga po ang bahala dito. Nag-a-apply na housemaid. Nagpaalam nga po pala si Aling Seling noong isang araw dahil pinauuwi na ng ama,” kinabig nito si Wilna at lumakad papasok sa loob ng kabahayan.

“Ako ang bahala sa kanya, hijo,” sinabayan ng matanda ng upo sa silyang kaharap ng babae.

Sa library dinala ng binata ang kasintahan. “Make yourself comfortable. Magbibihis muna ako,” niyuko nito ang sarili.

“Oh!” noon lang niya napansing naka-bikini trunks lang si Anthony.

“Ano ang gusto mong ipahanda ko kay Andoy?” tanong ni Anthony nang nasa may pinto na.

“It is almost lunch time.”

“Oo nga pala,” sinulyapan ang malaking relong nakasabit sa dingding. “Ipahahanda ko ang tanghalian natin.”

Nang sumara ang pinto ay tumayo sa kinauupuan ang dalaga at inikot ang paningin sa paligid. Ngayon lang siya napasok sa silid-aklatan. Sa dalawang beses na pagparito niya ay sa sala at dining lang siya nakarating.

Natuon ang pansin niya sa mga larawang naka-display sa cabinet. Wala sa loob na dinampot ang isa. Walang duda na ang mga magulang ng kasintahan. Maingat niya itong ibinalik sa pinagkukunan at muling dinampot ang isa pa uling kuwadro. Isang family portrait. Ang mag-asawang Avila at ang dalawang anak na lalaki.

Nagsalubong ang mga kilay niya. Pinakatitigan ang larawan.

15

NANG mga sandaling iyon sa silid ni Anthony ay kausap nito si Angelo sa telepono. Hindi makapaniwala ang huli na nasa Greenhills na sina Wilna at Nana Inez.

“At nakakakita na siya?” marahang tanong nito bagaman inaasahan na iyon.

“Ang laking gulat ko nga. Gusto ko pa nga sanang magalit sa iyo dahil hindi mo man lang inabiso,” isang buntong-hininga ang narinig ni Anthony sa kabilang dulo ng linya. “What now, Angelo?”

“From hereon ay ikaw na ang bahala. Mawawala ako sa background. You can tell her I just arrived from America a few days ago,” may nahihimigang kakaiba si Anthony sa tinig ng kapatid pero inalis din agad sa isip.

“I haven’t changed my mind, Angelo. Well, I care for Wilna, I really do. But I realized now that it is more of a brotherly affection.”

“Damn you, Anthony! Anong brotherly affection ang pinagsasabi mo? Paano mo ipaliliwanag ang mga sexual overtures na ginawa mo?”

Bahagyang inilayo ng binata ang telepono sa tenga. Nabibingi ito sa sigaw na iyon ng kapatid.

“I’m really sorry about that now. No harm done, Angelo. Malinis pa rin si Wilna. At nagpapasalamat pa nga ako at nangyari ang aksidenteng iyon bago kami nakasal or it would have been a big mistake.”

Hindi agad nakasagot si Angelo. May bahagi ng dibdib niyang nagagalak dahil sa sinabi ng kapatid. Pero wala rin namang silbi dahil ito ang iniibig ni Wilna. At iyon ang pangunahin sa puso at isipan niya. Ang huwag masaktan ang dalaga.

“Hindi ko alam kung paano mo pakikitunguhan ang mga pangyayari, Anthony. But I’m warning you. Do not hurt her!”

Halos nagdikit na ang mga kilay ng binata. “Alam mo, nagtataka talaga ako kung bakit ganoon na lamang ang pagiging concerned mo kay Wilna. Kung hinayaan mong malaman niya ang lahat una pa man ay wala sana tayong problema. And by this time ay nakaka-recover na siya and might have started looking for somebody else. Gusto kong isisi sa iyo ang pangyayari, Angelo!”

“And by this time ay baka hindi pa siya pumayag na magpaopera dahil sa takot. And by this time ay baka nasa emotional trauma pa siya!” muling hiyaw ni Angelo. “You promised to marry her. Maaari ka niyang idemanda ng breach of promise!”

“Don’t give me that bullshit! Kilala ko si Wilna kaysa sa iyo. She’d rather cry than to harm anyone.”

“And you took advantage!” Napangiwi si Angelo sa sinabi. Hindi ba at siya man ay nagsamantala rin? Ano’ng karapatan niyang hagkan at tuksuhin ang dalaga sa bulag nitong kalagayan?

“May pakiramdam ako…” hindi itinuloy ni Anthony kung anuman ang gustong sabihin. May nabubuong hinala sa dibdib nito. At sana’y hindi ito nagkakamali. Isang bagay lamang ang dapat nitong tiyakin. Si Wilna. “All right, Angelo, pansamantala ay pakikitunguhan ko si Wilna tulad ng dati. And I promise na magiging very gentleman ako. I won’t ever dare touch her, I guess it is my duty to break it to her very gently. Hahayaan kong mapuna niya ang panlalamig ko at siya na rin ang uurong sa aming relasyon.”

Nang walang sumagot sa kabilang dulo ng linya ay nagpaalam na si Anthony at ibinaba ang telepono. Sandaling nag-isip. Pagkatapos ay tumayo at kumuha ng T-shirt at pantalon sa wardrobe at nagbihis.

“Sorry, medyo natagalan ako,” bungad ng binata sa pinto ng library. Tiningnan ang relo sa braso. “Past twelve na pala. Tingnan natin kung ano ang inihandang lunch ni Andoy at Nana Inez.”

Tumayo mula sa pagkakaupo si Wilna at lumakad patungo sa pinto. Inakbayan siya ng binata palabas.

“Hindi mo sinabi sa aking kambal kayong magkapatid?”

Napaangat ang kilay ni Anthony “Hindi ba? Oh, well, siguro nga. We do not really refer to each other as twins. Kahit noong maliliit pa kami ay wala akong natatandaang tinawag kami ng Papa at Mama na kambal o di kaya ay tinukoy man lang nang ganoon. Kahit ang Nana Inez na katu-katulong na ng Mama sa pag-aalaga sa amin. Kung hindi sa aming mga panga-pangalan ay kapatid ang ginagamit na pagtukoy sa bawat isa sa amin.”

“And very identical. Hindi ko makilala sa larawan kung sino ka o sino ang kapatid mo.”

“We fooled a lot of people maliban siyempre sa mga magulang namin at kay Nana Inez. Kahit ang mga kamag-anak na hindi lagi kaming nakikita ay hindi rin matukoy ang isa’t isa sa amin ni Angelo. Ang mga katulong ay nalilito pa rin paminsan-minsan. But it’s easy really to identify kung sino ang sino. Angelo is darker. Sa Papa kumuha ng kulay ang kapatid ko,”

“Character wise?” tanong ng dalaga. Napakarami palang hindi pa niya alam tungkol sa kasintahan.

“Tulad din ng Papa si Angelo. The serious type. Para pa ngang ang Papa minsan iyon. While I’m the opposite,” sinabayan nito ng kibit ng mga balikat. Hinila ang isang silya sa mesang kainan at pinaupo si Wilna. “At narito sa Pilipinas si Angelo dahil hindi ba, dapat siya ang bestman natin?”

“When do I suppose to meet him?”

“Tonight. Anyway, since na nandito ka na rin lang ay gusto kong sabihin sa iyong wala ka nang babalikan sa apartment mo at sa trabaho mo,” binuksan nito ang ulam na natatakpan.

“Ano ang ibig mong sabihin? Gusto kong magtuloy sa apartment ngayon at mag-report sa opisina.”

Pumormal ang binata at tinitigan ang kasintahan. “I’m sorry, Wil. Pero nang malaman ng landlady mo na matatagalan bago ka makababalik ay nagpasyang ibigay sa iba. Ganoon din ang posisyon mo sa trabaho.”

Nakadama ng panlulumo ang dalalga. Wala na siyang tirahan ay wala pa siyang trabaho.

“Ang… mga gamit ko sa apartment?” Hindi dahil marami siyang mga gamit kundi kahit papaano ay may halagang lahat ang mga iyon dahil pinaghirapan niyang bilhin tulad ng cassette recorder at electric fan. Bedsheets and pillows. At mga kung ano-anong maliliit na bagay.

“Nasa Tagaytay. Hindi ba sinabi sa iyo ni An… ni Nana Inez?” Huminga nang malalim ang binata. Si Angelo lahat ang may kagagawan kaya walang trabaho at tirahan si Wilna. “Anyway, dumito ka muna sa mansion, Wil. ‘Pag sinabi na ng doktor na lubusan ka nang magaling ay saka mo na pag-isipan ang paghahanap ng ibang trabaho. Isa pa, hindi pa maaaring puwersahin ang braso mo.”

Bago nakasagot ang dalaga ay pumasok si Nana Inez. Tumayo si Anthony at hinila ang upuan para sa matanda.

“Puro de-lata ito, ah?”

Natawa si Anthony. “Iyan lang ang kayang iluto ni Andoy, Nana Inez.”

Umiling ang matanda. “Sana’y sinabi mo sa akin, hijo, nang naipagluto kita ng paborito mo.”

“Ngayong nandito na kayo ay natitiyak kong mai-stock na naman nang matagal ang mga de-lata. Pansamantala ay tikman na muna natin itong ginisang corned beef at tome ni Andoy,” nilagyan nito ng pagkain ang pinggan ni Wilna.

“Siyanga pala, Anthony. Tinanggap ko ang nag-a-apply na kapalit ni Seling. Mabait na bata at kailangan ng trabaho.”

Tumango lang si Anthony at muling tiningnan si Wilna.

“O, ano, Wil? Pumapayag ka bang dumito na muna sa bahay pansamantala?”

“Oo nga naman, hija. Tutal naman ay hindi magtatagal at dito ka na rin titira ‘pag natuloy na ang kasal ninyo ni Anthony, ‘di ba, hijo?” Si Nana Inez na tumingin sa binata.

Tumikhim ang lalaki na parang nahirinan. Iniabot ang tubig at uminom.

“Oo nga, Wilna…” naiilang nitong sang-ayon. Kung napuna ng dalaga iyon ay walang makapagsabi.

Ang dalaga ay nakayuko sa pagkain. Parang may kulang na hindi niya mawari. Parang kaibigang matalik ang nadarama niyang pakikitungo ni Anthony sa kanya.

Hinahanap niya mula sa tinig nito ang warmth na nadarama niya mula rito noong hindi pa siya nakakakita. At siya, ano ba ang nangyayari sa kanya? Bakit hindi siya nagagalak na kasama ang kasintahan?

Huminga nang malalim ang dalaga. Baka hindi lang braso at mga mata niya ang naapektuhan ng aksidente. Baka pati isip at damdamin niya. She must be going crazy!

16

NANG hapong iyon ay nagpasama siya kay Nana Inez sa dating tinitirhan. Sandaling nakipagkumustahan sa landlady at sa mga dating kasama sa kuwarto. Pagkatapos ay nagpunta sa dating pinapasukang opisina. Inayos ang dapat ayusin at humingi ng referral letter kung sakali at kailangan na niyang maghanap uli ng mapapasukan.

Ganoon pa man ay sinabi ng boss niya na kung sakali at handa na siyang magtrabaho ay maaaring may puwesto siyang pupunuan. Nakadama ng kasiyahan ang dalaga sa sinabi ng boss niya. Kahit paano ay natitiyak niyang hindi siya gaanong mahihirapan sa paghahanap ng panibagong mapapasukan.

Dahil sa traffic ay mag-aalas-sais na nang makauwi sila ni Nana Inez. Napuna ng dalagang naroon na ang kotse ni Anthony. Naunang umalis ang kasintahan kanina. Isang hindi kilalang sasakyan ang kasunod ng kotse nito.

“May bisita ho ba si Anthony, Nana Inez?” inabutan ng bayad ang taxi driver.

Bahagyang kinabahan ang matanda. Ang Montero ni Angelo ang nasa garahe. “Kay… kay Angelo ang sasakyang iyan, hija.”

“Oh!” Bigla ang pagkaba ng dibdib niya. Kung saka-sakali ay malalaman niya ngayon kung anong welcome ang ibibigay sa kanya ng kapatid ng kasintahan.

Tumayo ang dalawang lalaki nang pumasok sila. Sandaling nahinto sa paghakbang si Wilna. Pinaglipat-lipat ang tingin sa magkapatid. Hindi niya mapigil ang di-mamangha sa pagkakahawig ng dalawa.

“Saan kayo nanggaling ni Nana Inez?” Si Angelo na hindi napigil ang sarili. Wala pa sa kalagayan sa akala niya si Wilna na mamasyal.

Naningkit nang bahagya ang mga mata ni Wilna sa nahihimigang galit sa tinig ng lalaki. Si Anthony ay amused na pinaglipat-lipat ang tingin sa kapatid at sa kasintahan. Natitiyak nitong ang buong akala ni Wilna ay ito ang nagsalita.

Marahang humakbang ang dalaga patungo kay Anthony at kumapit sa braso nito habang hindi humihiwalay ang tingin kay Angelo.

“Hindi mo ba ako ipakikilala sa kapatid mo, Anthony?” saglit niyang sinulyapan ang binata at muling ibinalik ang tingin kay Angelo.

“P-paano mong nalaman kung sino ang sino sa amin?” manghang tanong ni Anthony sa kasintahan.

Isang matabang na ngiti ang isinagot ng dalaga. “Inaasahan mo bang hindi ko man lang matutukoy ang sarili kong kasintahan?”

“Oh, well… maraming mga tao ang…”

“I can’t be fooled. I can easily identify you both.”

Marahang umubo si Angelo. “That’s strange. Maliban sa mga magulang namin at kay Nana Inez ay wala pang ibang tao ang agad na nakapagtukoy kung sino ang sino sa amin.”

“Hindi ako ang ibang tao, hindi ba, Anthony?” Tiningala niya ang binata.

“My brother, Wil. Si Angelo, my fiancée, si Wilna,” pagpapakilala ng binata at gusto nitong matawa sa sitwasyon.

17

I
SANG tango lang ang isinagot ni Angelo sa introduction na iyon. Pagkatapos ay iniwan na ang magkasintahan at pumanhik sa itaas.

Naupo sa sofa ang dalaga. Sumunod si Anthony.

“Hindi ako gusto ng kapatid mo, Anthony,” aniya na sinundan ng tingin ang binatang hindi na niya matanaw.

“I very much doubt it,” natatawang sagot ng lalaki. “Pagod lang si Angelo. Isa pa, may pinagtalunan kami bago kayo dumating,”
and as usual, iyong tungkol sa iyo,
gustong idugtong ng binata. Nagagalit si Angelo na pinayagan nitong umalis ang dalawa nang hindi ito kasama.

“How did you do it, Wil?” dugtong ng binata. “I mean, bakit napakadali mong nakilala ng isa’t isa sa amin?”

Huminga nang malalim ang dalaga. Inihilig ang ulo sa sandalan at pumikit. Hindi niya alam sagutin iyon. Pero pagkapasok pa lang niya ay natiyak na niya agad kung sino si Angelo at kung sino si Anthony. At hindi rin niya kayang ipaliwanag ang biglang pagbangon ng kaba niya nang matingnan si Angelo na nakatayo at nakatitig sa kanya.

Nagmulat siya ng mga mata. “‘Sabi mo nga, you are as fair as Angelo is dark,” sagot niya bago marahang tumayo. “Papasok na muna ako sa silid ko.”

Makahulugang sinundan siya ng tingin ng kasintahan.

Sa hapunan nang gabing iyon ay sama-samang kumain ang tatlo. Si Nana Inez ay humingi ng paumanhing magpapahinga na lang dahil sinusumpong ng rayuma.

Maliban sa tunog ng kutsara at tinidor ay wala nang maririnig pa sa mesang kainan. Walang gustong magsalita. Si Wilna ay nanatiling nakayuko sa pagkain niya at kung maaari lang ay matapos na.

Si Angelo ang bumasag ng katahimikan. “Siya nga pala, Anthony. Ngayong magaling na ang kasintahan mo ay maaari na ninyong pag-usapan ang petsa ng inyong kasal. Iyan naman ang dahilan kung bakit napaaga ang uwi ko mula sa Amerika, hindi ba?”

Muntik nang masamid ang lalaki. Lihim na tinitigan nang masama ang kapatid.
Don’t try to set me up, Angelo!
ang gusto nitong ipahiwatig.

Si Wilna ay pinaglipat-lipat ang tingin sa magkapatid. At ewan niya kung bakit bigla ay nawalan siya ng gana sa kasalang pinag-uusapan. Noong hindi pa siya nakakakita ay ganoon na lamang ang pagnanais niyang makasal na sila ng kasintahan subalit kung paanong biglang tila nabuhusan ng malamig na tubig ang hangaring iyon ay hindi niya alam.

Ganoon marahil ang naging resulta ng aksidente sa kanya. Insekyuridad. At kung makakasal nga naman sila ay mababawasan ang takot niya.

“Matagal nang natapos ang trahe ng kasintahan mo, hindi ba? Ipabago ninyo ang imbitasyon dahil ibang petsa ang nakalagay doon,” si Angelo uli.

Nang hindi sumasagot si Anthony ay nagsalita si Wilna.

“At this point in time ay parang gusto kong huwag munang magmadali,” sinulyapan niya ang kasintahan. “Ang nangyari sa atin ay isang whirlwind courtship. Hindi tayo nagkaroon ng panahong makilala ang isa’t isa nang lubusan.”

Umaliwalas ang mukha ni Anthony at ngumiti.

“May katwiran ka, Wil. I guess we really have to start from the very beginning. We were too fast for our own good.”

Sinulyapan ni Wilna si Angelo. Imahinasyon lang ba niya ang galak na biglang nakita niya sa mga mata nito? At bakit kailangan nitong magalak na maantala ang kasal nila ni Anthony? Is Angelo a snob? Hindi ba nito gustong maging asawa siya ng kapatid nito?

Masisiraan siya ng bait sa mga tanong na iyon. Wala siyang alam sa magkapatid. Totoong naging napakabilis ng mga pangyayari sa kanila ni Anthony.

“Kayo ang bahala,” ani Angelo na pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawa. “At yamang tapos na ang paggamit ng kasintahan mo sa villa sa Tagaytay, Anthony, gusto kong sabihing doon na muna ako uuwi simula bukas ng gabi. Tamang-tama, huwebes ngayon. Magkakaroon ako ng pagkakataong ayusin ang mga bagay doon sa loob ng Sabado at Linggo.”

Nagkibit lang ng balikat si Anthony at nagtuloy sa pagkain. Si Wilna ay hindi malaman ang sasabihin. Bakit hindi niya gustong mawala sa paningin niya si Angelo?

At bakit mula pa kanina ay hindi nito ginagamit ang pangalan niya. Puro ‘kasintahan’ ang pagtukoy nito sa kanya. Na para bang hindi siya karapat-dapat man lang sa pagbanggit nito.

Tumingin kay Wilna si Angelo. “At nasabi nga pala sa akin ni Anthony na nais mong maghanap ng trabaho?”

Hindi nag-angat ng paningin ang dalaga. Kung hindi nito gustong tawagin siya sa pangalan niya ay di huwag. Pero huwag din nitong asahang mag-aangat siya ng paningin.

“Lumaon man o mapapadali ay magpapakasal kayong dalawa. Hindi na marahil kailangan ng fiancee mo, Anthony, na maghanap pa ng trabaho,” patuloy ni Angelo na sa kapatid nakatingin.

Bigla ang pagsiklab ng galit ni Wilna. “Ako ang nakakaalam noon, Mr. Avila!”

Napangiwi nang lihim si Angelo sa pagtukoy na iyon.

“Kung sasabihin ni Anthony na hindi ko kailangang mamasukan ay gagawin ko. Pero hindi dapat manggaling sa ibang tao ang desisyon!”

“Hindi ako ibang tao! And the Avila women do not work for their living. We provide for that.”

“How old fashioned!” sarkastikong sagot ng dalaga. Si Anthony ay amused na nakikinig sa dalawa. “This is almost the twenty first century, Mr. Avila. For one, hindi pa ako kabilang sa mga Avila women na sinasabi mo. Two, if and when, na madesisyunan kong ituloy ang kasal namin ng kapatid mo, wala akong intensiyong mag-stagnate sa loob ng bahay na ito!”

Hindi ako nagkamali,
bulong ni Angelo sa sarili.
How expressive those eyes are.
Naglalabas ito ng mumunting apoy. This time not of passion and desire na katulad noong nasa kaparangan sila. But of anger.

“Tigilan na nga muna natin ang usapang ito,” si Anthony na sa wakas ay kumibo. “Kung ano ang gusto ni Wilna, Angelo, ay pabayaan na lang muna natin siya. Galing lang siya sa trauma at nangangapa pa.”

“Precisely. That is why I don’t want her to go on job hunting.”

Sasagot sana ang dalaga pero minabuting huwag na. Ang tipo ni Angelo ang kapag diniskusyon mo ay tila ka tumitibag ng pader. At hindi basta pader, tantiya niya. It could be the Great Wall of China.

18

PASADO alas-onse na ay hindi pa rin makatulog ang dalaga. Naninibago siya. Idagdag pa ang pagpapabalik-balik sa isip niya ng pinagtalunan nila ni Angelo sa hapunan. Katabi ng kuwartong kinalalagyan niya ay ang library. Maaari siyang kumuha ng librong mababasa doon upang magpalipas ng oras at upang magpaantok. Maingat siyang lumabas ng silid niya. Madilim ang buong kabahayan pero hindi naman niya kailangang mangapa dahil ilang hakbang lang ay ang kabilang silid na.

Napuna niyang bahagyang nakabukas ang pinto ng library at may malamlam na ilaw sa loob. May nakalimot bang magsara at magpatay ng ilaw sa silid na ito?

Marahan niyang itinulak ang pinto at pumasok. Nabungaran niyang may nakaupo sa swivel chair at nakahilig sa sandalan. Ang mga binti ay magkapatong na nakataas sa mesa.

Nakapikit ito na tila nagpapahinga. Subalit marahil nang maramdaman siya ay nagmulat ng mga mata at agad ang pagsasalubong ng mga kilay nang makita siyang nakatayo roon.

“H-hindi ko alam na… narito ka, Angelo. I’m… sorry. Hindi ako makatulog. Kukuha lang sana ako ng libro para mabasa,” nauutal niyang sinabi. Kasabay ng mabilis na pagtambol ng dibdib. Bakit ba ganito na lang ang dating sa kanya ng kapatid na ito ni Anthony?

Umayos ng upo si Angelo. Ibinaba ang mga paa. “Go ahead… kumuha ka ng librong gusto mo,” wika nito sa malalim na tinig.

Napalunok ang dalaga. Nakalimutan pati niyang nakapantulog lang siya. “H-hindi bale na lang…” at tumalikod upang lumabas. Subalit bago pa niya nahawakan ang pinto ay tinawag siya ng binata.

“Wilna…”

Napahinto siya. Somehow ay kabisado niya ang paraan ng pagtawag na iyon sa pangalan niya. Marahan niyang nilingon ito.

Nagsalubong ang mga paningin nila. May kung ilang sandaling namagitan bago muling nagsalita si Angelo.

“Liwanag lang ng lampshade ang narito. Paano mong nalaman?”

“Na ikaw si Angelo?” Tumango ang binata. “You two are spitting image of one another pero hindi ko kayang ipaliwanag kung bakit kaya kong tukuyin ang isa’t isa sa inyo,” mahinang sagot niya. Pagkatapos ay ngumiti. “Sorry nga pala sa nangyari kanina.”

Isang tipid na ngiti ang pinakawalan ng binata kasabay ng buntong-hininga. “Walang problema. At least alam ko na ngayon that my future sister-in-law has temper.”

“I have always been very frank, Angelo, kaya gusto kong itanong sa iyo ito. Bakit sa pakiramdam ko ay hindi mo ako gustong mapangasawa ng kapatid mo kahit na inuungkat mo ang tungkol sa aming kasal?”

Because you are mine! Hindi ka para sa kapatid ko,
hiyaw ng isip ng binata.
You belong to me, sweetheart. And the sooner I get out of this house, the better.

“Mali ka ng iniisip, Wilna…”

Pumikit ang dalaga. Napasandal sa pinto. Was it agony and pain na nakikita niya sa mukha nito at naririnig sa tinig? Bakit?

“Something’s wrong?” Tumuwid ng pagkakaupo si Angelo nang makitang pumikit siya. Pigil na pigil ang sariling tumayo at lapitan ang dalaga. Hangga’t maaari ay kailangang dumistansiya ito.

“W-wala. May naiisip lang ako. Ano nga iyong sinasabi mo?”

“Ang sabi ko’y mali ka ng iniisip. Hindi nga ba at ako ang nag-aapurang madaliin na ninyo ni Anthony ang kasal? At iyong tungkol sa trabaho, please, I hope you’d see sense na hindi ka pa lubusang magaling para doon.”

“You sounded as if you care,” may bahagyang himig ng panunuya iyon.

“Ayokong sa ikalawang pagkakataon ay maurong na naman ang kasal ninyo!” mariing sagot ni Angelo.
The sooner you’re out of my reach ay makabubuti para sa akin.

May kakaibang damdaming humihiyaw sa dibdib ng dalaga. Parang nasasaktan siya. Tuluyan na niyang binuksan ang pinto pero bago lumabas ay muling nilingon si Angelo.

“Maraming salamat sa pagpapagamit mo sa akin sa bahay mo sa Tagaytay, Angelo. Sana’y muli akong makabalik doon isa sa mga araw na ito. I was so excited na maibalita kay Anthony na nakakakita na ako kanina kaya hindi ko man lang naikot ang loob at labas ng villa.”

Hindi sumagot si Angelo. Hanggang sa makalabas si Wilna sa pinto ay nakatitig lang ito roon.

Nang magising kinabukasan ang dalaga ay wala na ang magkapatid. Alam niyang sa Tagaytay na uuwi si Angelo sa hapon. She felt so lost and empty. Kung para kanino ay hindi niya matiyak. At litong-lito na siya sa idinudulot ng damdaming iyon sa kanya.

“Nana Inez, gusto ko ho sanang mag-shopping ngayon. Matagal-tagal din ho akong natigil ng bahay sa Tagaytay.”

“Naku, hija, bilin ni Ang… ng magkapatid ay huwag kang payagang lumakad na nag-iisa. Pero sumusumpong itong rayuma ko kagabi pa. Hindi kita masasamahan.”

“Ako na lang hong mag-isa. Huwag ho kayong mag-alala.”

“Hindi maaari, hija. Kung gusto mo ay isama mo ang bagong katulong, si Jenny. Mukhang mabait na bata at walang kibo.”

“Puwede ho. Sa Makati na tuloy kami pupunta. Magbibihis na ho ako.”

Kahit anong pilit ni Nana Inez ay hindi nagpahatid sa driver si Wilna. Nag-taxi ang mga ito patungong Makati.

“Pagkatapos nating mag-shopping, Jen, ay manood tayo ng sine. Palabas na iyong
Under Seige 2
,” nilingon niya ang kasama.

“Kayo po ang bahala.”

“Huwag mo akong pupuin at isang taon lang mahigit ang tanda ko sa iyo,” nakangiting baling niya rito. Makinis ang kutis ng babae kahit morena at mukhang hindi katulong ang dating.

Nasa Landmark nang oras na iyon si Anthony kasama si Lucille. Nadesisyunan nitong tapusin na ang relasyon nila ng babae. At kapag dumarating na sa puntong ganoon ay ipinamimili niya ang sinumang babaeng nais niyang kalasan. Pampalubag-loob, wika nga.

Nanggaling na sila sa isang sikat na jewelry store at naibili niya ito ng isang mamahaling singsing. At ngayon ay gusto naman ni Lucille ng pabango.

Papasok naman sina Wilna at Jenny sa Landmark nang mga sandaling iyon. Paikot-ikot at nagwi-window shop. Hindi matukoy ng dalaga kung ano ang gustong bilhin.

“Wala ka bang gustong bilhin, Jenny?”

“Naku, wala! Wala naman akong pera at ang mamahal ng tinda dito.”

“Puwede kitang pahiramin. Minsan lang namang makapag-shopping ka dito. Sige na. Then charge it to experience,” nakangiting alok ng dalaga.

“Maraming salamat, Wilna. Pero hindi na. Ireserba mo na lang ang ipahihiram mo sa akin sa mas importanteng pangangailangan,” nagpakatanggi-tanggi ito.

“Iba naman…” hindi natapos ni Wilna ang sasabihin nang madako ang pansin sa perfumery section. Sumunod din doon ang tingin ni Jenny.

“Si Sir Anthony ba iyon o si Sir Angelo?”

“Si Anthony,” paniniyak ng dalaga. Nakaabrisiyete dito ang babae na may itinuturong pabango sa saleslady. “Halika, Jenny. Salubungin natin.”

Atubiling sumunod si Jenny. Tinantiya kung galit si Wilna. Ito ba ang uring nag-iiskandalo? Sana nama’y hindi. Gusto nito ang dalaga.

Malapit na sila nang mapuna sila ni Anthony na nag-angat ng ulo.

“Wilna!” bulalas ng binata. Sinulyapan nito sandali ang kasama ng dalaga. Nagsalubong ang mga kilay ng binata. “Ano ang ginagawa ninyo rito?”

Si Lucille ay napadako rin ang pansin sa mga bagong dating. Hinigpitan nitong lalo ang hawak sa braso ng lalaki.

“Shopping, ano pa ba?“sagot ni Wilna. “Hindi mo ba ipakikilala sa akin ang kasama mo?”

“Oh!” Nilingon nito ang babae sa tabi. “Lucille, this is my fiancée, si Wilna…”

“Fiancée!” agap ni Lucille. “This is ridiculous. At ano ako sa buhay mo, Anthony?”

Napatingin sa itaas si Anthony. “Come on, Lucille, stop this dramatics.”

Muling tinitigan ni Lucille si Wilna na kalmanteng nakatayo. “So, magaling ka na pala?”

“Do I know you?” marahang tanong ni Wilna.

Tumingala sa binata si Lucille. “Anthony, darling, hindi mo ba sinasabi sa kanya na hindi mo na balak ituloy ang kasal ninyo?” tumaas ang tinig ng babae.

Luminga sa paligid si Anthony. Nagkasalubong ang mga mata nila ni Jenny. Agad itong umiwas ng tingin at muling bumaling kay Lucille.

“Shut up, Lucille!” pagalit na wika ni Anthony. Ano ang pinagsasabi ng babaeng ito? Minsan lang dumulas sa bibig niya na nagagalak siya at hindi natuloy ang kasal dahil sa aksidente ay kung ano-ano na ang binuo nito.

May dinukot sa bulsa ang binata. Ang pitaka nito at dumukot ng ilang bills. Kinuha ang palad ng babae at inilapag doon ang pera.

“Go on with your shopping, Lucille,” pagkatapos ay hinawakan sa braso si Wilna at niyakag palabas. “Let’s go.”

“You can’t do this, Anthony,” pahabol na hiyaw ng babae. “You just can’t drop me here like a hot potato!” Hindi nito alintana ang ilang mga matang nakasunod ng tingin sa kanila.

Hindi sumagot ang binata at hawak si Wilna na tuloy-tuloy sa parking lot kung saan naroon ang kotse. Kasunod pa rin si Jenny at si Lucille na nagpupuyos ang loob at nanlilisik ang mga mata sa galit.

“I never thought you to be so ungentlemanly, Anthony! Sa kabila ng lahat ay di-hamak na may finesse si Angelo kaysa sa iyo.”

“Pumasok ka sa loob, Wilna,” utos ng binata. Hinarap ang babae. “You were starting to make a scene, Lucille, at may palagay akong hindi kita mapipigil doon. Now, bago ko patunayan sa iyong totoo ang sinasabi mong mas may finesse si Angelo kaysa sa akin ay bumalik ka na sa department store. Sobra-sobra ang ibinigay ko sa iyo. Kung kulang pa, I’ll send you a check tomorrow.”

Gustong matawa ni Wilna sa anyo ng babae. Nagagalit ito pero kimkim sa palad ang perang ibinigay ng binata. At kumislap ang mga mata sandali nang marinig ang ipadadalang tseke.

“My! The decency of the Avila twins!” Tinitigan nito si Wilna na muling pinapasok ng binata sa loob ng sasakyan.

Atubiling pumasok ang dalaga subalit nahagip ng pandinig niya ang huling sinabi ni Lucille.

“Pagkatapos ko ay ang babaeng iyan naman! O, sino ba talaga ang nauna? Alam kaya niya kung sino ang kunwari ay nagmamalasakit sa kanya? Alam ba niya kung sino sa inyo ang kaharap niya’t kung sino sa inyo ang kapiling niya sa kama? I almost mistook you for Angelo, Anthony! Or both of you made love to her in the dark para hindi niya ma-identify ang mga birth marks ninyo?”

Pinamulahan ng mukha si Wilna sa narinig.

“Get lost, Lucille, or you’ll be sorry!” Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtaas ng tinig si Anthony. Nagtagis ang mga bagang nito.

Sandaling natilihan si Lucille sa nakitang galit sa mga mata ng binata. Umatras nang ilang hakbang at mabilis na bumalik sa department store.

Sinapo ng binata ang noo at sinuklay ng kamay ang buhok. Pagkatapos ay umikot sa driver’s seat at pumasok.

Nanatiling nakahawak sa manibela na tila pinipilit kalmahin ang sarili.

Ang kauna-unahang pagkakataong nakita ni Wilna na nagalit ito nang ganito katindi. Kinabahan siya kaninang aabutin ng kamay nito si Lucille.

Ilang minutong katahimikan ang lumipas bago ini-start ni Anthony ang ignition. Tumatakbo na ang sasakyan sa kahabaan ng EDSA patungong Greenhills.

“I’m sorry…” si Anthony nang malayo-layo na ang natatakbo nila.

“Sino iyon?”

Matagal bago sumagot ang binata. “Angelo’s ex-girlfriend. He intended to marry her pero nang nasa Amerika ito ay sumama sa ibang lalaki. Mutual friend ang sinamahan. One reason kung bakit natagalan sa Amerika si Angelo.”

Hindi malaman ng dalaga ang sasabihin. Sinaktan ng babaeng iyon si Angelo? Iyon ba ang uri ng babaeng pakakasalan nito?

“Lucille came from a good family. Not really very rich pero nag-iisa itong anak at na-spoil nang husto ng mga magulang. Although, hindi rason iyon para magkaroon ng maluwag na moralidad,” wika ng binata na tila nahuhulaan ang iniisip niya.

“Pagkatapos ng kaibigan ninyo ay ikaw naman ang sumunod?” Walang halong panunuya ang tanong ng dalaga. Men are men. Lalo na kung ang babae na mismo ang nagbibigay ng motibo. Hindi naman siya ipinanganak kahapon. Gusto lang niyang malaman ang totoo.

Hindi sinasadya ay napasulyap sa salamin si Anthony. Mga mata ni Jenny ang nakikita niya roon. Nagtatanong… nagtataka… nalilito? Kung kay Wilna ay hindi, bakit dito?

Hindi na hinintay ni Wilna na sagutin ni Anthony iyon. Obvious naman ang sagot. Ang nakapagtataka ay hindi siya nasasaktan sa kaalamang iyon. At ni hindi niya pinagseselosan ang babae para kay Anthony.

Ang isipan niya ay nakapako sa naging kaugnayan nito kay Angelo.

Hindi niya kayang ipinta sa isip na minsan ay nagkaroon ng kaugnayan sa babaeng iyon si Angelo.

“Ano ang ibig niyang sabihin sa huling sinabi niya, Anthony?” mahinang tanong niya.

“Kalimutan mo na iyon. Hindi ko naiintindihan. Hell hath no fury like a woman scorned,” pagku-quote ng binata at hindi na muling nagsalita.

Naguguluhang nilingon ito ni Wilna. Sa anyo nito ay alam niyang wala na itong sasabihin pa. Pero marami siyang gustong itanong at kailangang maliwanagan niyang lahat iyon.

19

N
ANG nasa silid na niya si Wilna ay paulit-ulit na pumapasok sa kanyang isip ang mga sinabi ng babae.

…hindi mo ba sinabi sa kanyang hindi mo na balak ituloy ang kasal ninyo?

…alam ba niya kung sino sa inyo ang kaharap niya at kung sino sa inyo ang kapiling niya sa kama?

Was it possible na nagkamali siyang kilalanin kung sino ang sino sa dalawa? Pero hindi. Makikilala niya si Angelo mula kay Anthony at vice versa.

Kaya? What about when your eyes are closed?

Nahahapong naupo sa gilid ng kama ang dalaga. Anthony is wearing his own brand of perfumes bago sila naaksidente. At sa buong panahon ng pamamalagi niya sa Tagaytay ay ibang cologne ang nasasamyo niya mula rito.

Pero nang bumalik siya rito nang araw na nakakakita na siya ay taglay na uli ni Anthony ang dating amoy nito.

How come na noong panahong bulag siya, Anthony was wearing a different kind of perfume? At si Angelo noong una niya itong makatagpo? No. Walang gamit na pabango ang binata.

O baka naman hindi talaga nagbago ng cologne si Anthony? Oh, please, please…!

Paano niyang malalaman? Kay Nana Inez? Natitiyak niyang hindi magsasalita iyon. Si Anthony lang ang maaaring sumagot ng lahat ng mga katanungang nasa isip niya. ,

Pagkakain ng hapunan ay niyaya ng dalaga ang kasintahan sa library upang makausap nang sarilinan.

“Kung ang nangyari kanina angipinakikipag-usap mo sa akin ay inihingi ko na ng paumanhin sa iyo, hindi ba?” ani Anthony nang lumapat ang pinto.

“Tungkol sa ating dalawa ang gusto kong pag-usapan natin, Anthony,” aniya na dumako sa bintana na nakatanaw sa naiilawang swimming pool.

Nagsalubong ang mga kilay ni Anthony. “Anong tungkol sa atin ang pag-uusapan natin, Wil?”

Lumingon ang dalaga. Tinitigan ang kasintahan. Pagkatapos ay lumapit dito. Malapit na malapit.

“Alam mo bang naninibago ako sa iyo?” malambing niyang sinabi. Ikinawit ang mga braso sa leeg ng lalaki.

Marahang naubo si Anthony. All of a sudden ay bigla itong nanigas sa harap ng isang babae. At isiping kasintahan nito ang dalaga. At hindi iilang beses na pinagnasaan nitong maangkin ang babaeng ngayo’y nasa harapan.

“Got cold feet?” tukso ng dalaga. “Kiss me, Anthony, like you used to.”

Napalunok ang lalaki. May mali sa mga pangyayari. May mali sa nadarama nito. Ganoon pa man ay unti-unting bumaba ang mga labi nito sa mga labi ng dalaga. Sinalubong iyon ni Wilna.

Mas mahaba pa ang nilakbay ng mga labi nila patungo sa isa’t isa kaysa itinagal ng halik na iyon. Tila halik para sa isang binating kaibigan ang iginawad ni Anthony. Kung sino sa kanila ang unang humiwalay ay hindi mahalaga.

Isang malakas na tawa ang pinakawalan ng dalaga na muling lumakad pabalik sa tabi ng bintana. Nababahala si Anthony dahil sa pahisterya niyang pagtawa.

“Tumigil ka, Wilna!”

Subalit nagpatuloy sa pagtawa ang dalaga. Nilapitan ito ng binata, hinawakan sa magkabilang balikat at niyugyog.

“Tumigil ka! Ano ang nangyayari sa iyo?”

Unti-unting kumalma ang dalaga sa pagyugyog na iyon. Tumatawa pa rin pero humihina na. Kumawala siya mula sa pagkakahawak ng binata. Sumandal sa mesa at pinahid ng kamay ang luha dahil sa pagtawa.

“Gusto mo ba talaga akong pakasalan, Anthony? Sagutin mo sa akin iyan nang buong katotohanan.”

Ipinasok ng binata ang mga kamay sa bulsa ng pantalon at tumingala. Ano ba ang isasagot niya? Ganoon ba siya kasama upang huwag tuparin ang pananagutan niya rito? Wala na bang halaga ang salita niya ngayon?

Mabuti at matinong babae si Wilna. Kahit sinong lalaki ay ikararangal na maging asawa ang dalaga. Hindi ba at iyon naman ang pangunahing dahilan kaya niligawan niya ito at inalok ng kasal? Pero bakit ngayon ay parang may kulang?

And he wasn’t really a sex-starved kind of person. Nasundot lang ng dalaga ang ego niya kaya ganoon na lang ang pagnanais niyang maangkin ito.

Ano ang problema niya gayung wala namang ibang babaeng involved? Aprubado ni Angelo at ni Nana Inez ang dalaga kaya walang problema.

Nilingon niya si Wilna. “Of course, I’ll marry you, Wil. Ano bang klaseng tanong iyan?”

“Kailan mo gustong itakda ang kasal natin, Anthony?”

“Set the date, Wil, then ipadala natin uli sa printing para sa panibagong petsa.”

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng dalaga. Pakakasalan siya ni Anthony. Out of obligation and honor, natitiyak niya. “Bakit, Anthony? Gayung sa loob ng panahong magkasintahan tayo at hanggang sa sandaling ito ay hindi mo pa nasasabi sa aking mahal mo, ako?” pananalakab niya. Kung ito ang kasama niya sa Tagaytay ay itatanggi nito iyon dahil sinabi nitong mahal siya noong nasa terasa sila.

Muling nagsalubong ang mga kilay ng binata. “What about you, Wil? Bakit gusto mong magpakasal sa akin gayung kahit minsan ay hindi ko narinig mula sa bibig mo na mahal mo rin ako?”

Ngumiti ang dalaga. Isang pagkatamis-tamis na ngiti. Umaliwalas ang mukha. Sa terasa nang gabing iyon ay sinabi niyang mahal niya ito. At natatandaan niya ang isinagot sa kanya nang sabihin niyang mahal niya ito.

“…which Anthony, Wilna. Ang Anthony bago nangyari ang aksidente o ang Anthony ngayon?”

Ngayon ay alam na niya. Natitiyak na niya. Nilapitan niya ang binata.

“Bukas ng hapon, Anthony, will you drive me to Tagaytay?”

Naguluhang bigla ang binata sa daloy ng pag-uusap nila. “What for?”

“Kailangan mo pa bang itanong? Do we have to continue this charade? Pareho pa rin ba tayong magmamaang-maangan o gusto mo akong bigyan ng encouragement para sa pagpunta ko bukas sa Tagaytay?”

“Wilna?”

“Hindi natin talaga gustong magpakasal sa isa’t isa, hindi ba, Anthony? Pareho nating alam at nararamdaman iyan.”

Hindi agad nakaapuhap ng sasabihin ang binata.

“What do you want me to do? Dapat ba akong magpunta roon o hindi?” may agam-agam sa tinig niya, lungkot at insekyuridad.

Sa kauna-unahang pagkakataon mula kaninang mag-usap sila ay ngumiti ang binata. Inilahad ang dalawang kamay. Tumakbo roon si Wilna. Niyakap siya ng binata at hinagkan sa buhok. Halik para sa isang kapatid. Halik ng paglaya.

“I’ll take you there. You both deserved to be happy.”

20

NAKATAYO si Angelo sa mataas na bahaging iyon ng lupain niya. Dapithapon na halos. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag. Tinatanaw niya ang pinakamaliit na bulkan sa buong mundo. Ang mga bundok at dagat na nakapaligid dito.

“Talaga palang maganda ang lugar na ito, Angelo. Hindi ako magsasawang panoorin kahit sa araw-araw.”

Biglang lumingon ang binata sa pinanggalingan ng tinig na kilalang-kilala niya, Parang binabayo ang dibdib niya.

“Wilna!”

“Hi,” nakangiting bati ng dalaga na lumakad patungo sa tabi ng lalaki.

“Ano ang ginagawa mo rito? Papaano kang nakarating dito?” sunod-sunod nitong tanong.

Nagkibit ng balikat ang dalaga. Naupo sa mga damo malapit sa kinatatayuan ni Angelo.

“Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong pagmasdan ang tanawing ito, Angelo,” mahinang sagot niya na pinagsawa ang mga mata sa paligid.

“Sino ang kasama mo?” pormal na tanong ni Angelo.

“Si Anthony”

“Nasaan siya?”

“On his way back to Greenhills.”

“Hindi ko ito naiintindihan. Bakit iniwan ka niya? Sino ang maghahatid sa iyo pauwi?”

“Sa villa ako matutulog.”

“Ano’ng pinagsasabi mo, Wilna?” pagalit na tanong ng binata na hinawakan sa magkabilang balikat si Wilna at itinayo.

“Bingi ka ba? Ang sabi ko ay dito ako matutulog,” tipid na ngumiti ang dalaga.

“Hindi. Kung iniwan ka ni Anthony ay ihahatid kita sa Greenhills ngayon. Hindi ka maaaring matulog dito!”

Hindi ito pinansin ng dalaga. Lumakad palayo at inikot ng tingin ang buong paligid. Puro nagtatayugang damo ang napagmasdan niya. Parang sila lang dalawa sa mundo.

“If two lovers would make love today in this place, no one will ever know. Maliban sa mga ibon at kuliglig,” mahinang wika niya.

“What the hell are you talking about? Halika, ipapasyal kita sa may kabilang bahagi ng villa. Malapit nang humapon at malamig na dito. Pagkatapos ay iuuwi na kita.”

Subalit hindi kumikilos ang dalaga. Humarap siya kay Angelo. “Do you think we could spend our honeymoon here?”

“Hindi!” matigas na tanggi ng binata. Pagkatapos ay nagbaba ng tinig mula sa pagkabiglang iyon. “Ang ibig kong sabihin, bakit hindi. Kung dito gusto ni Anthony.”

Tinitigan ni Wilna ang lalaki. Bakas ang pait sa mga mata nito. Lumapit siya rito. Tumingala.

“Will you kiss me, Angelo?” she whispered in a soft and husky voice.

“Ano ang sinasabi mo?” pinigilan ni Angelo ang dalawang kamay ng dalaga na nagtangkang ikawit sa leeg nito.

“Take me in your arms and kiss me, Angelo, please…”

Kumawala ang pagpipigil ng binata at mahigpit siyang niyakap. Halos mapatid ang paghinga niya sa pagkakayakap na iyon. Pagkatapos ay siniil siya ng halik. Masidhi. And she was lost!

Makalipas ang ilang sandali ay huminto sa paghalik si Angelo pero hindi iniwan ang mga labi niya.

“Don’t play games with me, sweetheart,” bulong ng binata habang marahan at banayad na hinahalikan nito ang sulok ng mga labi niya. Tasting the contour of her lips with his tongue. “It will tear me apart.”

Marahan siyang kumawala. “Who’s playing games? Ikaw, ‘di ba? Pinaniwala mo akong ikaw si Anthony.”

Huminga nang malalim si Angelo. “Sinabi sa iyo ni Anthony?”

“Kinumpirma lang niya ang matagal ko nang hinala,” tumitig siya sa mga mata nito. “Noong sabihin mong iniibig mo ako, sino ang nagsasalita? Ikaw bilang si Anthony? O…”

“I love you, Wilna. You are the breath that I take. Noong unang araw pa lang na makita kitang walang malay sa ospital.”

“Sinabi sa akin ni Anthony ‘yan habang patungo kami rito. May hinala na siyang ganoon ang nararamdaman mo. Kung hindi raw ay bakit ganoon na lang ang pagmamalasakit mo sa akin.”

Huminga nang malalim si Angelo. “I really made a fool of myself, hindi ba?”

Hindi pinansin ni Wilna ang sinabi ni Angelo. Nagpatuloy siya sa pagsasalita.

“Minsan ay itinanong mo sa akin kung paano ko nalamang ikaw ang nasa library gayung hindi gaanong maliwanag. Ikaw ang iniibig ko, Angelo. Ikaw ang isinisigaw ng dibdib ko kahit na takpan ko ang mga mata ko. Sa una’y nalilito ako sa nararamdaman ko nang magkita kami ni Anthony pag-uwi ko sa Greenhills. Salamat sa isang pangyayari kahapon at nagkalakas-loob akong kausapin si Anthony. Wala talaga kaming pag-ibig sa isa’t isa. We agree on that.”

“And you tortured me, you witch! Sinabi mong dito mo gustong mag-honeymoon kayo ni Anthony,” akusa ng binata na muli siyang niyakap.

“I said we. Hindi ko sinabing kami ni Anthony. Bumuo ka agad ng konklusyon,” nakangiti niyang sagot.

Humigpit ang pagkakayakap ni Angelo sa kanya na para bang nasa kanya ang buhay at kamatayan nito.

“At ang buong akala ko ay tuluyan ka nang nawala sa akin,” hinalikan nito ang noo niya. “Ano na nga iyong sinasabi mong pangyayari kahapon?”

“Oh, Angelo, must you keep on talking? Gusto kong tuparin mo ang ipinangako mo sa akin noong huli tayong nandito,” aniya na hinila ang binata paupo sa damuhan.

“Sigurado ka ba sa sinasabi mo?” tanong nito sa nangingislap na mga mata.

“I love you…” ang mahinang isinagot ng dalaga.

Then he was kissing her. Pagkatapos ay marahan siya nitong inilatag sa tila carpet na mga damo. Pagkatapos ay tumayo ang binata at nag-alis ng sariling kasuotan.

Buong paghangang pinagmasdan ni Wilna si Angelo sa ginagawa nito. Gusto niyang mamangha sa kabuuan nito. The human body is really a living miracle. Hindi katakatakang ito ang paboritong iguhit ng mga dakilang pintor at iukit ng mga iskultor.

Dahan-dahan, bumaba ang mga mata niya upang suyurin ng tingin ang lahat ng parte ng katawan ni Angelo. Ang matitipunong dibdib… the ribs… his thighs.. the hardness of his knees. Ang kabuuan ng body frame nito. She was entranced and fascinated.

“I want you, darling,” bulong ng binata na bumaba sa tabi niya. “I have to make you mine now or I’ll go crazy,” humahaplos sa mukha ng dalaga ang hininga nito.

At kung malamig ang kapaligiran nang dapithapong iyon ay hindi nararamdaman ng dalawang pinaglalagablab ng apoy ng pag-ibig ang mga katawan.

They made love with heated passion and feverish desire… at twilight. And it was as right as breathing. As right as rainfall and sunshine. Kasingganda ng tanawin sa kanilang paligid. Kasingganda ng mga bulaklak na ligaw paligid nila.

At si Wilna ay tulad sa isang magandang bulaklak. Namumukadkad sa pagsikat ng araw. Tulad din siya ng isang madilim na yungib na hindi pa kailanman napapasok ng sinuman at naghihintay ng pagtaas ng tubig sa dagat upang magmadaling hampasin ng alon papasok at muling bumalik sa dalampasigan.

Epilogue

“H
ELLO, darling?” bati ni Angelo sa asawa na agad sumalubong sa lalaki. Isinara nito ang pinto ng Montero at nilingon ang isang paalis na kotse. “Another customer?”

Tumango si Wilna at hinubad ang gomang guwantes at ikinawit ang braso sa baywang ng asawa. Ginawaran siya nito ng halik sa labi.

“How’s hobby and business sa maghapon?”

“Hindi masama. lyong nakita mong kotseng paalis ay apat na klaseng orchids ang binili sa akin,” buong pagmamalaki niyang sinabi.

Orchids ang pinagkakalibangan ni Wilna. Iba’t ibang uri ng orchids ang pinapatubo niya. Mula sa hindi gaanong mahal hanggang sa mamahaling orkidyas. At sa nakalipas na isang buwan ay naging negosyo ang libangan. May mga kaibigan at kakilalang dumarayo upang bumili ng mga collections niya, ni Mrs. Wilna Avila.

Buong pagmamahal na dinama ni Angelo ang tiyan ng asawa. Anim na buwan na ang nakalipas mula nang sila ay ikasal. At magtatatlong buwan na ang tiyan ni Wilna.

“Hindi ka ba pinahihirapan ng mga anak ko?”

“Paminsan-minsan, ‘pag sinusumpong ako ng pagsusuka. Tulad ngayon. Love, may palagay akong dapat mo munang palitan talaga ang cologne mo,” aniya na tutop ang bibig at nagtatakbo papasok ng banyo.

Sumunod ang natatawang si Angelo. Hinagod ang likod niya at inabutan siya ng bimpo. “Akala ko pa naman my scent made you feel erotic.”

“Not this time…” aniya na nang mahimasmasan ay lumabas ng banyo.

Muling hinimas ni Angelo ang tiyan niya.

“Kalmante na naman ang mga anak ko.”

Inirapan niya ito. “Paano mong nalamang kambal ang dinadala ko?”

“When I made love to you, I promised I’ll give you twins. Tinupad kong lahat ang mga ipinangako ko, ‘di ba? You are now Mrs. Avila, I made love to you sa parang, in bed of grass, at sa dapithapon. Duda ka pa bang hindi kambal iyan?” amused nitong tanong.

“Naniniwala,” natatawang sagot ni Wilna. Pagkatapos ay bumulong. “I love you…”

“And I adore you,” ganting-bulong ni Angelo at siniil ng halik ang asawa na sa isang maluwalhating sandali ay iisipin mong iisa lang ang huminga.

One breath… one being.

NANG ikasal sina Angelo at Wilna ay si Anthony ang naging bestman sa amusement ng huli. Bakit ba’y noong gawin ang imbitasyon ng kasal ay nakatakdang si Angelo ang bestman para sa kanilang dalawa ni Wilna.

Anyway, Anthony will have his own romance story to tell. With the mysterious Jenny. At kung paanong pinagsikapan niyang labanan ang sariling damdamin. Hindi niya pinakawalan si Wilna upang mapunta lamang kay Jenny? Surely, that’s insane! Abangan ninyo ang, “Be still, my heart!”

•••WAKAS•••

Maraming salamat sa inyong lahat na patuloy na sumusuporta at nagbabasa ng mga akda ni Ms. Martha Cecilia. H’wag sana kayong magsawang mag-comment , mag-share at mag-vote. Lahat ng comments n’yo ay binabasa ko at mga messages n’yo kaya lang di ko kayo masagot lahat pasensya na kayo mahina si Admin A. :( Pero natutuwa akong mabasa lahat ng mga mensahe n’yo at comments. Keep supporting beshies kaya natin ito chaarrrr! HAHAHAHA**


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.50.274
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.