loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
MARAJA

MARAJA

vincentmanrique · 6 chapters · 4,846 words

MARAJA

Si Maraja ay isang babaeng sea creature na may itsura na katulad ng sa siyokoy. Lumaki siyang maganda at kakaiba sa lahat ng uri ng mga uri ng sirena sa ilalim ng dagat. Isa ang merman na si Aegeus sa mga humahanga sa kanyang kagandahan. Inggit na inggit kay Maraja si Muirgen, isang magandang sirenang may gusto kay Aegeus.

Subalit may ibang pangarap si Maraja. Gusto niyang maging tao at pumunta sa mundo sa ibabaw ng karagatan, upang hanapin ang lalaking unang nagpatibok ng kanyang puso, ang guwapong si Dylan.

Chapter 1

MATAAS na ang tirik ng araw. Ang init nito ay sumakop sa malawak na karagatan sa bahaging iyon ng maliit na bayan ng Isla Batong Bughaw. Tahimik ang karagatan ng mga oras na iyon. Mapayapa itong pagmasdan. Sa sinag ng araw ay mistulang kumikinang na hiyas ang halos nangingitim sa pagkaasul na tubig. May mangilan-ngilang isdang borador na mula sa ilalim ng tubig ay sumisirit paitaas upang saglit na magamit ang malapad nitong palikpik na tila ba mga pakpak para lumipad. Napakaganda sanang kunan ng larawan ang ganoong tanawin. Paminsan-minsan naman ay balyena ang makikitang tumatalon sa tubig na tila ba nakikipaglaro sa payapang alon. Pagbagsak nito sa tubig ay mabilis itong lalangoy patungo sa kailaliman ng dagat. Tila may kung ano itong hinahanap. O sadyang gusto lang magpakapagod sa kalalangoy sa bahaging iyon ng malalim na karagatan.

Sa isang panig ng dagat na iyon, sa bahaging humigit-kumulang tatlumpu’t anim na libo at dalawandaang talampakan ang lalim ay matatagpuan ang Okeanos, ang lugar kung saan nakatira ang iba pang mga nilalang na nabubuhay sa ilalim ng dagat katulad ng mga sirena, siyokoy, sea elfin, sea fairy at iba pa. Kuntento na sila sa kanilang pamumuhay roon. Hindi sila pumupunta sa ibabaw ng dagat dahil ayaw nilang makigulo sa mga tao. Marami na silang kalahi na sumubok na silipin ang ibabaw ng karagatan at ang iba ay hindi na nakabalik nang buhay sa Okeanos. Para sa kanila ay malupit ang mga tao. Pinapatay ng mga tao ang kanilang kalahi na nagtatangkang sumilip sa parteng iyon ng daigdig.

Isa mga mga nilalang sa Okeanos si Maraja na itinuturing na kakaiba sa lahat. Siya ay anak ng sirenang si Asherah at ng siyokoy na si Merrill. Iniiwasan siya ng mga nilalang sa Okeanos sa paniniwalang may dala siyang sumpa at kamalasan. Alam ng mga taga-Okeanos na puro lalaki lamang ang isinisilang na siyokoy. Ang mga babae ay isinisilang na sirena. Pero si Maraja ay isinilang na babae subalit may itsurang katulad ng sa ama niyang siyokoy. Ayaw paniwalaan ni Maraja ang mga sinasabing iyon ng mga taga-Okeanos pero paano niya maipaliliwanag ang katotohanang namatay ang ina niyang si Asherah sa panganganak sa kanya. Bihirang mangyari ang ganoon sa lugar nila kung saan ang panganganak ay itinuturing na isang napakanormal na pangyayari. Ayon na narinig niyang mga kuwento at usapan, hindi raw matanggap ng ama niya ang pagkamatay ni Asherah kaya tinangka siyang patayin nito ngunit nang hindi sinasadyang matusok ito ng palikpik na nasa kanyang braso nang buhatin siya nito ay namatay ito na katulad ng isang nalasong isda. Nakatanim na sa isip niya na namatay ang kanyang mga magulang nang dahil sa kanya.

Lumaki siya sa pangangalaga ni Tenanye, isang masayahing sea fairy queen. Minahal siya nito na parang tunay na anak. Kaya nga kahit iniiwasan siya ng mga nilalang sa Okeanos ay hindi naman siya magawan ng mga ito ng kasamaan dahil siguradong mananagot ang mga ito kay Tenanye.

Isang makapangyarihang nilalang si Tenanye. Marami itong puwedeng gawin na hindi nagagawa ng mga ordinaryong nilalang sa Okeanos. Mula nang kupkupin niya si Maraja, nakapamuhay ito nang maayos sa Okeanos. Siniguro niyang mapapalaki niya nang mabuti ang babaeng siyokoy na minsang nang tinawag na salot sa Okeanos.

Mula sa pagkakaupo sa isang malaking bato na napapalibutan ng mga halamang dagat ay iginala niya ang paningin sa paligid. Kanina pa siya lumalangoy at naisipan niyang magpahinga sandali. Saglit niyang pinagmasdan ang luntian niyang balat na nababalutan ng kaliskis. Ang braso niya ay may mga palikpik ganoon din ang kanyang likod. Inggit na inggit siya sa mga sirena dahil napakaganda ng mahahaba nitong mga buhok. Samantalang siya, imbes na buhok ay palikpik din ang makikita sa gitna ng kanyang ulo. At wala nga siyang buntot, pero mayroon naman siyang paa na magkakadikit katulad ng sa mga pato. Bakit ba kasi naging kakaiba siyang nilalang? Hindi raw nagkakaroon ng babaeng siyokoy. Eh, ano pala ang tawag sa kanya? Kaya ba siya iniiwasan ng mga tao ay dahil sa hindi  pangkaraniwan niyang itsura?

“Malungkot ka na naman,” pansin kay Maraja ng isang maliit na tinig mula sa kanyang ulunan. Tumingala pa siya para makita ang maliit niyang kaibigan na si Piksy na lumalangoy-langoy sa bandang itaas ng ulo niya. Isa itong tiny sea elf. “Ano na naman ba ang iniisip mo?”

“Wala,” tugon niya sabay langoy papalayo kay Piksy. “Habulin mo ako, Piksy!” Mas binilisan pa niya ang paglangoy kasabay ang pagsirku-sirko na tila ba nag-e-exhibition.

“Hintayin mo ako, Maraja!” sigaw ni Piksy sa matinis nitong boses. Gamit ang kanyang maliit na pakpak, mas binilisan niya ang paglangoy para maabutan ang kanyang matalik na kaibigan.

Napag-iwanan na siya ni Maraja pero hindi tumigil si Piksy sa paghabol dito.

May nadaanang kuweba si Maraja. Naisipan niyang magtago rito para hindi siya makita ni Piksy.

Banayad siyang lumangoy patungo sa kuweba pero bago siya nakapasok ay may tumawag sa kanya.

“Maraja!” pamilyar sa kanya ang boses na iyon. Iilan lang naman ang nakikipag-usap sa kanya rito sa Okeanos.

Lumingon siya sa pinanggalingan ng tinig. “Aegeus! Sinasabi ko na nga ba at ikaw ’yan. Anong ginagawa mo rito?” tanong niya kay Aegeus na isang merman.

Mabuti pa itong si Aegeus, lalaki pero mas nakuha nito ang itsura ng isang sirena. Mula ulo hanggang bewang ay mukha itong tao. At mula bewang paibaba ay mayroon itong buntot ng isda.

Guwapo at makisig si Aegeus. Katunayan, hindi mabilang ang mga sirenang nagkakagusto rito. Marami ang umaasam na sana ay mapansin sila ni Aegeus at suyuin para maging asawa.

“Naghahanap lamang ako ng halamang dagat na makakain. Nag-iikot na rin ako para masigurong walang sino man mula sa Okeanos ang lalagpas sa linyang itinakda ni Tenanye. Hindi tayo puwedeng lumagpas sa linyang iyon dahil totoong mapanganib. Maaari na tayong makita at mahuli ng mga tao sa oras na lumangoy tayo nang higit pa sa linyang itinakda,” mahabang paliwanag ni Aegeus. “Ikaw, Maraja ano ang gagawin mo at tila papasok ka sa kuweba?”

“Naghahabulan kami ni Piksy. Naisip kong pumasok sa kuweba para pagtaguan siya nang sa ganoon ay hindi niya ako makita.”

“Hindi mo na magagawa ’yan dahil nandito na ako!” Dumapo si Piksy sa ulo ni Maraja at umikot-ikot pa rito.

Kaagad na umiwas si Maraja para hindi na makadapo si Piksy sa ulo niya.

“Bakit?” nagtatakang tanong nito. “Ayaw mo bang dumadapo ako sa ulo mo?”

Hindi!“ mabilis niyang pagtanggi. “Ayoko lang na mapahamak ka. Hindi mo ba alam na namatay ang ama ko dahil natusok siya ng palikpik ko? Paano kung ikaw naman ang matusok? Sa liit mong ’yan, siguradong tuhog ka.”

“G-ganoon ba?” nahintakutang sabi ni Piksy.

“Oo, ngayon alam mo na. Kaya ’wag kang basta dadapo sa ulo ko o sa kahit anong parte ng katawan kong malapit sa mga palikpik,” paalala niya rito. “Nasaan nga pala si Aetwelwine? Bakit hindi mo kasama?”

Si Aetwelwine ay isa ring sea elf na madalas ay kasama at kalaro ni Piksy.

“Magkasama sila ni Inang Radella,” sagot ni Piksy.

Bago pa muling nakapagtanong si Maraja ay nakarinig sila ng pagsabog mula sa itaas, doon iyon nanggagaling sa ibabaw ng karagatan. Naghahagis na naman ng pampasabog ang mga mangingisda! Maraming maliliit na isda na naman ang mamamatay!

Isang pagsabog pa ang muli nilang narinig.

Mabilis ang naging pagkilos ni Aegeus. Hinawakan nito sa kamay si Maraja at dinampot si Piksy. “Lumayo tayo rito, Maraja! Malapit na tayo sa linyang itinakda ni Tenanye kaya naririnig natin ang pagsabog. Kailangan nating makalayo kaagad dito!”

Mabilis na lumangoy papalayo sa bahaging iyon ng dagat si Maraja kasunod si Aegeus na hawak-hawak si Piksy.

Chapter 2

NANG ganap silang makalayo sa bahaging iyon ng dagat kung saan may naririnig silang mga pagsabog ay saka lamang sila huminto sa paglangoy.

“Ano ang sumasabog na iyon, Maraja?” tanong ng makulit na si Piksy.

“May mga mangingisda na namang gumagamit ng pasabog sa panghuhuli ng isda,” sagot ni Aegeus. “Nasisira ng mga pasabog na iyon ang mga gasang na nagpoprotekta sa mga baybayin mula sa mga bagyo at pagguho. Ang mga gasang din ang nagsisilbing tirahan ng ibang mga uri ng isda. Sa ginagawa nilang pagpapasabog, napapatay pati ang mga maliliit na isda,” paliwanag pa niya.

“Bakit ginagawa iyon ng mga tao? Hindi ba nila alam na mapipinsala nila ang mga naninirahan dito sa ilalim ng dagat?” Ang matinis na tinig ni Piksy ay sumakop sa paligid.

“Sa dagat kumukuha ng pagkain ang mga tao, Piksy. Mali lang ang pamamaraan nila ng panghuhuli ng mga isda. Sinisira nila ang karagatan at nadadamay pati ang mga hindi naman nila pakikinabangan,” dagdag na paliwanag ni Maraja.

“Ang mabuti pa ay ihatid ko na kayo. Huwag na muna kayong gumala. At ’wag na ’wag kayong papasok doon sa kuwebang papasukin mo sana kanina, Maraja,” bilin ni Aegeus. “May labasan sa kabilang dulo ng kuwebang iyon at sa labas noon ay lagpas na sa linyang itinakda ni Tenanye.”

“Ibig mong sabihin, mas mapapabilis ang pagpunta sa ibabaw ng karagatan kapag sa kabilang dulo no’ng kuweba lalabas?” namamanghang tanong ni Maraja.

“Oo, pero huwag na huwag mong gagawing dumaan doon. At lalong ’wag kang lalagpas na linyang itinakda dahil totoong mapanganib. Ayaw sa atin ng tao. Pinapatay nila ang mga katulad natin dahil salot ang tingin nila sa mga kauri natin,” babala ni Aegeus.

Natigilan si Maraja. Kahit saan pala ay salot ang tingin sa kanya ng ibang mga nilikha. Dito man sa Okeanos o kahit pa sa daigdig ng mga tao, siya ay isang salot na kinatatakutan at ninanais na patayin nino man.

“Tayo na… Umuwi na kayo,” sabi ni Aegeus sa dalawang kasama. “Ikaw, Piksy mag-iingat ka. Sa liit mong ’yan mas madali kang mapapahamak. Kahit dito sa Okeanos ay puwede kang malunok ng mga malalaking isda.”

“Hindi naman ako umaalis nang walang kasama,” sagot ni Piksy. “Gumagala lang naman ako kapag kasama ko si Maraja o kaya naman ay si Aetwelwine.”

Pagdating nila sa  kuwebang tinitirhan ni Tenanye ay agad silang sinalubong nito.

“Saan kayo nanggaling?” tanong nito sa natural nitong malamyos na tinig. Ang mukha ni Tenanye ay napakaamo at makikita mo rito ang likas nitong kabaitan. Idagdag pang lagi itong masayahin.

“Naglaro lamang kami ni Piksy. Naghabulan lang kami sa paligid,” tugon ni Maraja.

“Totoo iyon, Ypsilotate Tenanye,” pagsang-ayon ni Piksy.

Nakita ni Aegeus na tumingin sa kanya si Tenanye na para bang hinihintay ang sasabihin niya.

Tumingin muna siya kay Maraja bago nagsalita, “Nakita ko si Maraja sa bukana ng kuwebang Apagorevménos.”

“Papasok ka sa Apagorevménos, Maraja?” tanong ni Tenanye.

“Naghahabulan kami ni Piksy. Naisip ko lang na magtago sa kuweba.”

“Hindi ba’t pinaalalahanan na kita na walang sino man ang puwedeng pumasok sa kuwebang iyon?” malamyos pa rin ang boses ni Tenanye kahit nawala na ang masayahing awra nito.

“Paumanhin, Ypsilotate Tenanye. Nawala sa isip ko ang paalala mo. Pero hindi naman ako nakapasok dahil nakita na ako ni Aegeus bago pa man ako humakbang papunta sa loob ng kuweba,” paliwanag niya.

“Sige na, pumasok ka na sa loob.” Bumaling si Tenanye kay Piksy. “Umuwi ka na rin, Piksy. Baka hinahanap ka na ni Radella.”

“Paalam, Ypsilotate Tenanye… Maraja…” Mabilis na lumangoy papalayo si Piksy gamit ang kanyang munting pakpak.

“Aalis na rin ako, Ypsilotate Tenanye,” sabi ni Aegeus. “Inihatid ko lamang sila para makasigurong makauuwi sila nang ligtas.”

“Maraming salamat, Aegeus. Makauuwi ka na rin,” sabi ni Tenanye sa binatang sireno.

Yumukod si Aegeus bilang paggalang bago ito mabilis na lumangoy papalayo sa kuwebang tinitirhan nina Tenanye at Maraja.

Nang makaalis si Aegeus ay muling kinausap ni Tenanye si Maraja.

“Sana ay hindi mo na uuliting tangkaing pumasok sa kuwebang Apagorevménos, Maraja.”

“Makakaasa ka, Ypsilotate Tenanye,” pangako niya. Pero sa kanyang utak ay naroon na ang masidhing hangaring makarating sa ibabaw ng karagatan. Pupunta siya roon, dumaan man sa kuwebang Apagorevménos o hindi.

NANG makita ni Maraja si Aegeus kinabukasan ay hindi niya ito pinansin. Binilisan niya ang paglangoy para hindi na siya sundan nito. Pero naabutan pa rin siya ng sireno.

“Galit ka ba sa akin?”

“Hindi. Nagmamadali lang ako. Papunta ako sa kuwebang tirahan ni Radella,” sagot niya kay Aegeus.

“Nagsisinungaling ka. Nararamdaman ko ’yon,” deretsahang sabi nito kay Maraja. “Ayaw ko lang naman na mapahamak ka.”

“Kaya isinumbong mo ako kay Ypsilotate Tenanye,” singhal niya rito.

“Sinabi ko lang sa kanya ang totoo,” depensa ni Aegeus. “Ako ang inutusan niya na magbantay para walang makapunta sa ibabaw ng dagat. Tungkulin ko na sabihin kay Ypsilotate Tenanye ang mga nakita ko, at nalalaman. Pero hindi ibig sabihin no’n na gusto kitang ipahiya sa kinikilala mong magulang.”

Umirap si Maraja na siyang nagpangiti kay Aegeus.

“Mas lalo ka palang gumaganda kapag nagagalit,” nakangiti niyang papuri sa babaeng siyokoy.

“Hindi ako nakikipagbolahan sa’yo!”

“At sino ang nakikipagbolahan? Sinasabi ko lamang ang totoo.”

“Puro ka totoo! Bantayan mo na ang mga dapat mong bantayan. Pupunta na ako kay Radella.” Mabilis niyang iniwan ang sireno na susunod pa sana sa kanya ngunit pinigilan ng isang tinig.

“Wala ka na bang ibang gagawin kundi habulin siya? Nakabuntot ka na lang lagi sa kanya. Hindi lang siya ang babae rito sa Okeanos.” Bakit galit yata ang boses na narinig niya?

Lumingon siya sa pinanggalingan ng tinig. Nakita niya ang isang magandang sirena na may ginintuang buhok.

“Muirgen! Anong ginagawa mo rito?

“Gusto kitang makita, masama ba?” mataray na sagot ng sirena.

“May kailangan ka ba sa akin?”

“Alam mo kung ano ang gusto ko sa’yo. Katulad ako ng ibang mga sirena rito na umaasang susuyuin mo para maging asawa,” diretsong sagot ni Muirgen.

Hindi na nagulat si Aegeus. Alam niyang may gusto sa kanya ang sirenang ito. Ang totoo, hindi lang naman ito ang sirenang nagtapat ng pagkakagusto sa kanya. May mga nauna pa. Pero wala siyang kahit isang pinatulan dahil iisa lang ang gusto niyang makasama habang buhay dito sa Okeanos.

“Alam mong may iba na akong iniibig,” sabi niya. “Dapat mo nang ibaling sa iba ang pagtingin mo sa akin.”

“Si Maraja!” angil ni Muirgen. “Ano ba ang nagustuhan mo sa salot na ’yan? Gusto mo bang madamay sa kamasalasang dala niya?”

“Wala siyang dalang kamalasan sa Okeanos,” pagtatanggol niya kay Maraja. “Hindi niya kasalanan kung isinilang siyang babaeng siyokoy. Siyokoy ang ama niya. Kaya napakalaki ng posibilidad na makuha niya ang itsura ng kanyang ama.”

“Halatang-halata na gusto mo siya. Mas gusto mo pa ang siyokoy kesa sa isang magandang sirenang tulad ko? Tingan mo ang balat ko… Maputi at makinis. Makintab ang kaliskis ko at tila kumikislap kapag natatamaan ng liwanag. Ginintuan ang aking mahabang buhok at maganda ang aking mukha. Pero bakit mas gusto mo pa si Maraja ganoong berde ang kanyang balat at kaliskis. Wala rin siyang buhok kundi mga palikpik. Oo, maganda rin ang kanyang mukha pero alam kong mas maganda ako,” buong pagmamalaking sabi ni Muirgen.

“Puso ko ang nagsasabing si Maraja ang gusto ko. Hindi ko mapipigilan ang puso ko kung para kanino nito gustong tumibok,” seryosong pahayag ni Aegeus.

Hindi nakapagsalita si Muirgen.

“Umuwi ka na, Muirgen. Marami pa akong kailangang bantayan dito sa paligid ng Okeanos.” Lumangoy na siya papalayo at iniwang mag-isa si Muirgen.

SI MARAJA ay nasa tinitirhang kuweba ng mag-inang sina Radella at Piksy. Naroon din si Aetwelwine. Kasalukuyan silang nagkakasayahan nang biglang may naisip si Piksy.

“Maraja, naikuwento ko kay Inang Radella na magaling kang kumanta. Maaari mo bang iparinig sa amin ngayon ang tinig mo?” pakiusap nito sa kaibigan.

“Oo nga, Maraja. Gusto ko ring marinig na kumanta ka,” sabi naman ni Aetwelwine.

Si Radella ay nasa isang bahagi lang ng kuweba at nakikinig sa kanilang pag-uusap.

“Inang Radella, gusto mo bang marinig ang pagkanta ko?” tanong niya sa ina ni Piksy.

Ngumiti si Radella bago nagsalita, “Ikagagalak kong marinig ang tinig mo, Maraja.”

“Sige, kakanta ako…”

Nagpalakpakan sina Piksy at Aetwelwine. Si Piksy ay lumipad pa nga at mabilis na nagpaikot-ikot sa loob ng kuweba.

Nagsimulang kumanta si Maraja.

Zoúme se énan kósmo pou chorízetai apó neró.

Ektós apó to na min angízoume oúte na vlépoume o énas ton állon.

Thélo na eímai kontá sou kai na vrískesai dípla sou.

Forépste gia pánta, agapáte méchri na petháno…

Nagpalakpakan muli sina Piksy at Aetwelwine. Maging si Radella ay napahanga sa pagkanta ni Maraja. Napakaganda talaga ng tinig nito. Isa si Maraja sa may pinakamagandang tinig sa Okeanos. Mas maganda pa nga sa tinig ng ibang mga sirena rito.

Nagulat sina Radella, Piksy at Aetwelwine nang biglang magtanong si Maraja.

“Inang Radella, maganda bang mamuhay sa ibabaw ng dagat? Doon sa mundo ng mga tao…”

Author’s Note:

Gasang is the Filipino term for corals.

Ypsilotate means Your Highness.

Apagorevménos means prohibited.

Basahin Mo Ako

May nag-request po sa akin na maglagay ako ng part na nakalista lahat ng names ng characters para mas madali raw matandaan. Alam n’yo na, hindi naman sila tao kaya medyo hindi rin common ang mga pangalan nila. Kaya medyo mahirap basahin at tandaan. At kahit naman ang mga normal na tao, minsan napakahirap din basahin at isulat ang mga pangalan nila lalo sa iyong mga ibang lahi.

Eto na po, para sa inyo ay nilagay ko na rin pati ang tamang pagbigkas ng kanilang mga pangalan.

MARAJA

  • pronounced as Ma-Ra-Jha

AEGEUS

  • pronounced as Eeh-jhi-yus

PIKSY

  • pronounced as Pik-see

AETWELWINE

  • pronounced as Eh-tel-wyne

RADELLA

  • pronounced as Ra-del-la

TENANYE

  • pronounced as Te-nan-yee

MUIRGEN

  • pronounced as Mwir-gen

ONDINE

  • pronounced as On-din

PELAGIOS

  • pronounced as Pee-la-jhos

NEREID

  • pronounced as Ne-rid

IRCHEA

  • pronounced as Ir-keh-yah

DYLAN

  • pronounced as Di-lan

Iyong ibang minor characters, saka ko na lang ilalagay kapag lumabas na sila sa story.

So there, sana makatulong iyan sa pagbabasa n’yo ng mga pangalan nila.

Happy reading!

Chapter 3

LUMATAY ang pagtataka sa mukha ni Radella. “ Bakit mo naitanong ’yan?“

Nangapa ng maisasagot si Maraja. “Kasi, ano… Ahh… Naitanong ko lang, Inang Radella.”

“Hindi ako kumbinsido,” direktang sabi ni Radella. “Nagbabalak ka bang pumunta sa ibabaw ng karagatan?”

“H-hindi. Wala, Inang Radella. Nagtataka lang ako kung ano ang mayroon doon at kung bakit maraming nilalang sa Okeanos ang sumubok nang pumunta roon.”

“Mapanganib ang pumunta roon, kaya huwag mong gagawin iyon. Baka ’yon pa ang ikapahamak mo,” paalala ni Radella. Parang anak na rin kung ituring niya si Maraja dahil matalik itong kaibigan ng anak niyang si Piksy kaya masasaktan siya nang lubos kapag may mangyayaring hindi maganda rito.

“Hindi ako pupunta roon, Inang Radella.”

“Mabuti…”

“Uuwi na ako, Piksy. Baka hinahanap na ako ni Ypsilotate Tenanye.”

“Bumalik ka ulit bukas, Maraja!” sigaw ni Piksy sa natural nitong matinis na tinig.

“Paalam, Inang Radella. Paalam, Piksy… Aetwelwine.”

“Mag-iingat ka lagi,” bilin ni Radella.

Lumabas ng kuweba si Maraja at saka mabilis na lumangoy. Mas masidhi ngayon ang pagnanais niyang makita kung ano ang nasa ibabaw ng karagatan. Hindi naman siguro siya mapapahamak kung mag-iingat siyang mabuti.

Mas binilisan pa niya ang paglangoy. Kailangang makarating siya kaagad sa kuwebang Apagorevménos. At kailangang hindi siya makita ni Aegeus kapag papasok na siya sa loob ng kuweba.

Ang matinding hangaring makarating kaagad sa ibabaw ng karagatan ang mas nagpabilis pa sa paglangoy ni Maraja. Kailangan niyang magmadali para makabalik siya kaagad ng Okeanos bago kumagat ang dilim.

Napangiti siya nang marating ang bukana ng kuweba. Nagpalinga-linga siya. Wala si Aegeus. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Pumasok na siya sa loob ng kuweba at hinanap ang daan papalabas sa kabilang bahagi nito.

Nang makita ang hinahanap ay mabilis siyang lumabas ng kuweba at lumangoy paitaas. Nagulat pa siya sa liwanag na tila nanggagaling sa ibabaw ng dagat. Napakalaking liwanag no’n para umabot ang sinag hanggang dito sa ilalim ng dagat.

Mas binilisan pa niya ang paglangoy papaakyat. Hanggang sa marating niya ang ibabaw ng karagatan.

Iginala niya ang tingin sa paligid. Napakalawak! At sa banda roon ay may malawak na kama ng puting buhangin! Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. Ganito pala kaganda ang ibabaw ng karagatan.

Hangang-hanga siya sa kagandahan ng kapaligirang nakikita niya ngayon. Maging ang pagdampi ng hanging amihan sa kanyang balat na nagdulot ng kakaibang lamig sa kanyang pakiramdam ay nagustuhan din niya.

Lumangoy pa siya papalapit sa natanaw niyang kuweba sa kalapit na isla. Natuwa siya nang malamang may kuweba rin pala dito sa ibabaw ng karagatan.

Nang marating niya ang kuweba ay umupo siya sa isang bato at muling pinagmasdan ang paligid. Ang ganda ng tanawin ay sapat nang dahilan upang siya ay maghandog ng isang awit.

Humuni siya na parang tinitimpla ang tono ng kanyang boses. At saka niya sinimulang kantahin ang paborito niyang awit.

Zoúme

se

énan

kósmo pou chorízetai apó neró.

Ektós apó to na min angízoume oúte na vlépoume o énas ton állon.

Thélo na eímai kontá sou kai na vrískesai dípla sou.

Forépste gia pánta, agapáte méchri na petháno.

Anapnéoume ton ídio aéra an eíste makriá apó ména.

Tin iméra pou tha se do, póte tha eínai?

Makári na se do, na eínai mazí sou kathimeriná.

S ’agapó, o íroás mou eímai pánta edó gia na meíno.

Chorodia:

Esý eísai to óneiró mou, tha eímai i epithymía sou?

Esý eísai i zoí mou, tha eísai gynaíka sou?

Esý eísai to óneiró mou, tha eímai i epithymía sou?

Esý eísai i zoí mou, tha eísai gynaíka sou?

Den boroúme na eímaste mazí to xéro gia éna gegonós.

S ’agapó tóso akrivá, pós tha boroúse na eínai tóso lypiró?

Tha afíso ton kósmo mou, giatí tha diakindynéfso tin psychí mou.

Gia na eímai mazí sas, eímai étoimos na thysiáso.

Walang kamalay-malay si Maraja na habang kumakanta siya ay isang nilalang ang kanina pa nakikinig sa kanyang malamyos na tinig. Tila ba nabatobalani sa boses niya ang lalaking ngayon ay nanlalaki ang mga mata sa pagtitig sa kanya. Hindi ito makapaniwala sa nilalang na nasa harapan niya at ang labi ay naglalabas ng isang napakagandang musika.

“Sino ka?” tanong ng lalaki sa baritonong boses.

Gulat na napalingon si Maraja sa pinanggalingan ng tinig at sinalubong siya ng mapanglaw na kayumangging mga mata ng isang taga-lupa. Bakit nararamdaman niya ang kalungkutan sa bilugan nitong mga mata na para bang may hinahanap ito na hindi pa nakikita? Napakaamo ng mukha ng taga-lupang ito. Pareho lang sila ni Aegeus na may magandang pangangatawan, subalit wala itong buntot na katulad ng sa mga sireno.

Humakbang papalapit kay Maraja ang lalaki.

Nataranta si Maraja at agad na tumayo sabay talon sa tubig at mabilis na lumangoy papalayo.

“Hintay! Anong pangalan mo?” sigaw ng lalaki na humabol pa kay Maraja hanggang sa labas ng kuweba subalit mabilis itong sumisid at nawala na agad sa kanyang paningin.

“Dylan!” Narinig niyang may tumatawag sa kanyang pangalan. “Nasaan ka na?!” Nakarinig na rin siya ng tunog ng bangkang de motor.

“Nandito ako sa labas ng kuweba!” sigaw niya. Hinintay niya ang pagdating ng bangkang de motor. Sakay nito ang mga kaibigan niyang sina Monic at Sebastian at isang bangkero.

Nang sa wakas ay nasa harapan na niya ang bangka ay tumalak na si Monic. “Anong ginagawa mo rito? Kanina ka pa namin hinahanap.”

“Wala, lumalangoy lang.”

“Nilangoy mo mula pampang hanggang dito? Iba rin ang trip mo, ha?” Hindi makapaniwalang sabi ng babae.

“Wala namang nakapagtataka do’n,” sabad ni Sebastian. “Pang-Olympic ang swimming skills ni Dylan. Sayang nga lang at hindi niya tinanggap ang offer para mag-training for the national team. Baka siya na sana ang pag-asa ng Pilipinas para makakuha ng ginto sa Olympics.”

“Andami n’yo nang sinabi. Oy, Dylan sumakay ka na rito sa bangka at nang makabalik na tayo sa resort,” talak pa ulit ni Monic.

Nang makasakay si Dylan ay inutusan ni Sebastian ang bangkero, “Kuya, balik na po tayo sa resort.”

Agad na pinaandar ng bangkero ang bangkang de motor. Habang papalayo ay muling sinulyapan ni Dylan ang bahagi ng dagat kung saan lumangoy at nawala ang kakaibang nilalang na nakita niya. Kung hindi siya nagkakamali, siyokoy ang nakita at narinig niyang kumakanta. Pero babae iyon. Babaeng siyokoy? Ang alam niya base sa mga nabasa niyang libro, puro lalaki lang ang isinisilang na siyokoy. Pero napakaganda ng tinig ng siyokoy na iyon. At ang mukha niya, kahit natatakpan ng kaliskis ang bahagi ng pisngi nito ay hindi maikakailang napakaganda ng mukha nito. Kahit pa nga kulay berde ang buong katawan nito. Ang totoo ay hindi siya natakot sa babaeng siyokoy na iyon. Paano niya katatakutan ang isang napakagandang nilalang? Ito pa nga ang natakot sa kanya. Bigla na lang tumalon sa dagat at lumangoy papalayo nang makita siya.

Isang pangako ang nabuo sa isip ni Dylan. Babalikan niya ang kuwebang iyon. Baka sakaling makita niyang muli ang babaeng siyokoy.

NAKALABAS na si Maraja sa kuwebang Apagorevménos. Sinuswerte siya! Wala pa rin si Aegeus. Mabilis siyang lumangoy pauwi sa kuweba ni Ypsilótate Tenanye.

“Tulong! Tulungan n’yo ako!” Narinig niya ang maliit na tinig na humihingi ng tulong. Lumangoy siya sa paligid para hanapin ang nagmamay-ari ng tinig na iyon.

Sa bandang kaliwa niya ay nakita niya ang isang sea nymph na naipit ang kanang paa sa isang higanteng taklobo. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Mabilis siyang kumilos para tulungang maialis ang naipit na paa ng sea nymph. Ngunit masyadong mahigpit ang pagkakaipit ng paa sa taklobo at hindi rin niya magawang maiangat ang taklobo para ito ay bumuka.

Lumangoy papalayo sa taklobo si Maraja. Nagtungo siya sa isang halamang dagat na may mapait na katas. Pumitas siya ng mga dahon nito at kaagad na bumalik sa taklobo.

Piniga niya ang dahon upang pumatak ang katas nito sa maliit na siwang ng taklobo. Alam ni Maraja na hindi kumakain ng dahong iyon ang taklobo kaya siguradong bubuka ito nang mas malawak para iluwa ang mapait na katas.

Hindi nga siya nagkamali. Ilang sandali lang pagkatapos pigain ang mga dahon ay unti-unting bumuka ang taklobo hanggang sa tuluyan nang maalis ang paa ng sea nymph sa pagkakaipit.

“Maraming salamat sa tulong mo, Maraja.”

“Kilala mo ako?”

“Ikaw lang naman ang nag-iisang babaeng siyokoy dito sa Okeanos,” tugon nito.

“Anong pangalan mo?” tanong niya sa sea nymph.

“Ondine…”

Nginitian niya ito. “Sige, uuwi na ako. Baka hinahanap na ako ni Ypsilotate Tenanye.”

“Hintay! May ibibigay ako sa’yo…”

“Ano iyon?” Nakita niyang tila may idinudura si Ondine at mula sa bibig nito ay iniluwa ang isang asul na perlas.

“Asul na perlas?”

“Tanggapin mo ito. Ito lamang ang maipapalit ko sa pagtulong mo sa akin.”

“Hindi mo kailangang palitan ang tulong na ibinigay ko. Masaya akong makatulong sa bawat nilalang dito sa Okeanos,” sabi niya.

“Kahit na. Gusto ko pa ring tanggapin mo ito. Makatutulong ito sa’yo balang araw…”

Wala sa loob na tinanggap niya ang asul na perlas. Pagkatapos ay nagpaalam na siya kay Ondine at lumangoy na pauwi.

“Saan ka nanggaling?” Bumungad sa kanya ang tanong ni Tenanye pagkapasok niya sa kuweba.

MARAJA’S SONG

Zoúme se énan kósmo pou chorízetai apó neró. Ektós apó to na min angízoume oúte na vlépoume o énas ton állon. Thélo na eímai kontá sou kai na vrískesai dípla sou. Forépste gia pánta, agapáte méchri na petháno.

Anapnéoume ton ídio aéra an eíste makriá apó ména. Tin iméra pou tha se do, póte tha eínai? Makári na se do, na eínai mazí sou kathimeriná. S ’agapó, o íroás mou eímai pánta edó gia na meíno.

Chorodia:

Esý eísai to óneiró mou, tha eímai i epithymía sou? Eíste i zoí mou, tha eímai dípla sas? Esý eísai to óneiró mou, tha eímai i epithymía sou? Esý eísai i zoí mou, tha eísai gynaíka sou?

Den boroúme na eímaste mazí to xéro gia éna gegonós. S ’agapó tóso akrivá, pós tha boroúse na eínai tóso lypiró? Tha afíso ton kósmo mou, giatí tha diakindynéfso tin psychí mou. Gia na eímai mazí sas, eímai étoimos na thysiáso.

💔💕💞💞💞💞💞💞💞💞💞💔💕💔

Here is the English version of the song.

Maraja’s

Song

We live in a world separated by water. Apart we can’t touch or see each other. I want to be near you, and be by your side. Caress you forever, love you till I die.

We breathe the same air though you’re far away from me. The day I will see you, when will it’s gonna be? I’m longing to see you, be with you everyday. I love you, my hero I’m always here to stay.

Chorus:

You are my dream, will I be your desire? You are my life, will I be by your side? You are my dream, will I be your desire? You are my life, will I be your wife?

We can’t be together I know it for a fact. I love you so dearly, how could it be so sad? I will leave my world, for you I will risk my soul. To be with you, I am ready to sacrifice.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.