loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Only You (COMPLETED)

Only You (COMPLETED)

Marthacecilia Phr · 18 chapters · 21,968 words

Chapter 1

“Kahit ba ang mga halik ko ay hindi sapat upang pigilan ka?” ani Cholo na isiniksik ang mukha sa leeg ng kasintahan.

Ngumiti si Erika at iniiwas ang sarili. “Hindi ka pa ba nagsasawa sa kakahalik sa akin?”

“Nagsasawa?” Si Cholo na kumawala sa kasintahan. “You must be joking. Isiping ang pinahihintulutan mong gawin natin ay hindi na hihigit sa magyakapan at maghalikan!”

“At isiping hindi ka pa kontento roon! Marry me, Cholo, at lahat ay may pass ka na para gawin.”

Napaungol ang lalaki at dramatikong napahawak sa noo. “And what will happen to all the girls who wanted me just as much as you do?”

Bahagyang sumimangot ang dalaga. Kinuha ang brush sa handbag at nag-brush ng buhok.

Muli siyang kinabig ni Cholo. “Nagbibiro lang ako nagtampo ka na agad.”

“Hindi ko gustong isiping bukod sa akin ay mayroon pang iba, Cholo,” seryosong pahayag ng dalaga.

Tumikhim ang lalaki. “I’m all yours, darling.”

“Marry me then.” Tila nagsusumamong tumingin siya sa kasintahan.

Nagsindi ng sigarilyo ang lalaki. Sumandal sa desk. “Darating tayo roon, Erika. Pero hindi pa ngayon. Kasalukuyang gumagapang paitaas itong center at hindi ko pa kayang ipagmalaki sa iyo.”

“Oh, Cholo, I don’t mind. ’Pag nakasal tayo ay madadagdagan ko ang capital mo. Maaari ka nang makipagsabayan sa malalaking slimming centers.”

“Iyan ang hindi ko gustong mangyari, Erika,” medyo pagalit nitong sabi. “Alam kong may pera ka at ayokong isipin ng mga tao na pera mo lang ang dahilan kaya nagpakasal ako sa iyo.”

Niyakap ni Erika ang kasintahan. Inihilig ang mukha sa dibdib nito. Isa iyon sa maraming pagkakataon na naiisip niyang sana ay wala siyang pera at sana ay ordinaryong empleyado lang siya.

“Ikaw at ang walang kakuwenta-kuwenta mong pride, Cholo. ’Pag mag-asawa na tayo, ang pera ko ay pera mo na rin. At kung hihintayin mong maging katulad ng kompanya namin ang slimming center mo, then I guess pareho nang maputi ang buhok natin bago tayo makasal.”

Marahang natawa ang lalaki. “Huwag kang mainip, darling. Bakit ka nagmamadali gayong mga bata pa naman tayo? Lalo ka na, twenty-two ka pa lang. Ako, nasa prime of my life, thirty-four and…”

“Dapat na may pamilya at mga anak…” salo ng dalaga.

“O sige, Erika. Bigyan mo ng panahon ang center, at least isang taon. By that time ay may maipagmamalaki na ako sa iyo.”

“You’re bargaining.” Tiningala niya ang kasintahan at may pag-asang naramdaman.

“At least stable na itong negosyo ko at walang masasabi ang mga tao sa akin.”

“Oh, Cholo, mahal lang kita kaya gusto kong makasal na tayo. Pero sige, isang taon kung isang taon.”

“Good girl. Now, shall I drive you home?”

“And take a taxi back here?” Umiling ang dalaga. “No, thanks.”

Ilang sandali pa ay tinatahak na ng dalaga ang EDSA patungong Corinthian Gardens. Kahit paano ay nagagalak siyang nangako si Cholo. At least something she could look forward to. Madali nang lumilipas ang panahon.

Apat na buwan na silang magkasintahan at mahal niya si Cholo. At nararamdaman niyang mahal talaga siya nito. Kaya nga lang, mataas ang pride nito.

Napangiti siya. At least ay walang masasabi ang mommy niya at si Nico sa kasintahan niya kung saka-sakali. Nagkakilala na ang mommy niya at si Cholo nang minsang ihatid siya nito at palabas naman ang kotse ng mommy niya ng gate.

Isang maiksing pagtatagpo lamang iyon pero nakita niya sa mukha ni Eloisa na hindi ito sang-ayon sa kasintahan niya. Bagaman nag-aalala siya ay patutunayan niya sa ina na karapat-dapat si Cholo.

Si Cholo Alejo. A handsome hunk with a mustache! May sariling negosyo na bagaman maliit ay maituturing na sarili. Isang slimming center for men and women.

Sa center sila nagkakilala ni Cholo minsang isinama siya ng kaibigan niya roon. She was as fit as a model pero naganyak siyang mag-enroll. Anyway, wala siya kahit na anong form ng exercise maliban sa paminsan-minsang paglalangoy sa pool nila.

Walang hindi mag-uukol ng pansin kay Erika. Sa taas na 5’5“ and with a whistle-bait body, plus a pretty face na hindi mo pagsasawaang tingnan ay smart classy, sophisticated at mayaman pa ang dalaga. Sapat-sapat na mga katangian upang ang mga lalaking naghahandog ng pag-ibig sa kanya ay tila mga langgam sa asukal.

Ang mga katangiang ito ay hindi pinalampas ni Cholo na siya ring head instructor. Niligawan siya nito at sinagot naman niya. Alam niyang maraming kababaihang customer ang naiinggit sa kanya sa pangyayaring iyon. Si Cholo mismo ang main attraction ng center kung bakit maraming female customers na hindi pumapalya sa session.

Dati-rati ay regular ang pagpunta ni Erika sa center subalit nitong nakalipas na buwan ay dumalang ang pagtungo niya roon dahil ipina-assume sa kanya ni Nico ang puwestong inalisan ng kanilang personnel assistant na nag-resign dahil nag-abroad. Ang sabi nito ay panahon na upang matutuhan niya ang pamamalakad sa kompanya nila, ang Mega Engineering.

Management graduate siya at gusto niya talagang magtrabaho pero hindi sa paraan ni Nico at sa sariling kompanya. Pero alam niyang hindi papayag ang mommy niya sa gusto niya, huwag nang idagdag si Nico.

Ilang minuto pa ay nasa tapat na siya ng mansiyon. Bumusina siya at pinagbuksan siya ng guwardiya ng gate. Nagsalubong ang mga kilay ng dalaga nang matanaw sa garahe ang Land Cruiser ni Nico. Napapadalas yata ang pagpunta nito sa kanila. Ano na naman ang pinag-uusapan nito at ng mommy niya? Hindi niya gusto ang presensiya ni Nico sa kanila. Naiinis at naiilang siya rito.

She was barely twelve years old at kaga-graduate lang ng elementary nang mamatay ang daddy niya. Cardiac arrest. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakita niya si Nico. Sa burol ng daddy niya. Titig na titig ito sa kanya nang nagsasalubong ang mga kilay. Kung bakit ay hindi niya alam. Anak ito ng ka-partner ng daddy niya sa negosyo na noon ay kasalukuyan pa lang humahawak ng maliliit na projects. Binata na si Nico noong panahong iyon.

Makalipas ang mahigit isang taon ay nagpakasal ang mommy niya at ang biyudong papa ni Nico. Iyon ang ikalawang pagkakataong nakita niya si Nico sa isang salusalong ginanap sa isang restaurant. Sa isang teenager na tulad niya ay maaari sana siyang magka-crush dito kung hindi ito suplado.

Ang sumunod niyang nabalitaan ay nang ipadala ito ng stepfather niya sa Amerika upang magpakadalubhasa sa pagiging enhinyero. At sa pagitan ng mga taon ay bihirang umuwi sa Pilipinas si Nico malibang may mahahalagang okasyon tulad ng Pasko, anniversary, birthday ng papa nito at kung ano-ano pa. At sa lahat ng mga iyon ay wala siyang natatandaang kinausap siya nito.

Maliban sa simpleng hello, hi, at pagtango ay wala na. Ang ipinagtataka niya ay lagi nang may regalo siyang tinatanggap mula rito tuwing mahahalagang araw. Tulad halimbawa noong eighteenth birthday niya ay nagpadala si Nico ng isang musical birthday card mula Amerika. At noong magtapos siya ng kolehiyo ay binigyan siya nito ng isang Cartier wristwatch.

Nang mamatay ang stepfather niya almost three years ago ay hindi na nagbalik sa Amerika si Nico. Pinamahalaan nito nang buong husay ang kompanyang naiwan ng daddy niya at ng papa nito—ang Mega Engineering. Ito ay kabilang sa top 1000 corporations.

At sa loob din ng mga panahong iyon sa kabila ng kaabalahan ni Nico ay hindi nito nalilimutang dalawin ang mommy niya pana-panahon. At hindi lang iyon, sa pakiramdam niya ay kasama na silang mag-ina sa pinamamahalaan nito. Isa iyon sa mga kinasusuklaman niya rito. Pero para kay Eloisa, Nico was family at dapat silang magpasalamat na may nangangasiwa sa kanila.

Hindi pa siya halos nakakapagtanggal ng sapatos nang pumasok sa silid niya ang ina.

“Nandiyan ka na pala, Erika. Nasa ’baba si Nico at gusto kang kausapin,” bungad ni Eloisa.

“Mommy, nasa opisina ako maghapon. Bakit hindi niya doon sinabi kung anuman ang kailangan niya sa akin,” protesta ng dalaga.

“Alam mo kung gaano kaabala si Nico, hija…” pagtatanggol ng ina.

’“Then he has no business to come here. Ano ba ang pag-uusapan namin?”

“There are a lot of things to talk about, Erika! Ang kompanya, kayong dalawa!” mariing sagot ni Eloisa.

“Wala akong natatandaang nakipag-usap nang matagal si Nico, Mommy. Isa pa, ayokong pakiharapan siya. Naiilang at naiinis ako.”

“Erika!” ang tila naeeskandalong bulalas ni Eloisa.

“Oh, Mom…” Pabagsak na naupo sa kama ang dalaga. “He is boring. Masyadong pormal, cold and contained. Si Mr. Brilliant and Mr. Right.”

“At ano’ng mali roon, Erika? Dahil ba responsable si Nico at hindi katulad ng ibang lalaki riyan ay naiinis ka na?” pagalit na sabi nito. “Wala akong nakikitang masamang ginagawa ni Nico, Erika. Malaking bagay ang nagawa niya sa Mega Engineering. More than what your father and his father did!”

“Nandoon na ako, Mommy,” patuloy pa rin ng dalaga bagaman alam niyang lumalakad siya on dangerous ground. Para kay Eloisa, si Nico ang epitome of perfection. “Pero dapat bang pati buhay ko ay panghimasukan niya?”

“At bakit hindi? Kung ikaw mismo sa sarili mo ay hindi mo kayang pangalagaan ang sarili mo sa mga oportunista! Like what you did the last time. Kung hindi dahil kay Nico, malamang…”

“All right! All right!” Itinaas ng dalaga ang dalawang kamay. “I’ll see him now, Mommy.”

Bumuntong-hininga si Eloisa at nagsalita sa mababang boses. “Hija, lahat ng ginagawa ni Nico ay para sa atin. Sa kabutihan mo, sa kompanya. At hindi ko maintindihan why you always sound so ungrateful?”

Nang hindi sumagot si Erika ay iiling-iling na tinungo ni Eloisa ang pinto at sinabing hihintayin siya sa ibaba.

Nakaupo si Nico sa mesa ng daddy niya sa library nang pumasok siya. May binabasang papeles. Tumayo ito nang makita siya.

“Hello, Erika.”

“Hi,” matabang niyang sagot. Naupo siya sa sofa.

“Gusto kitang kausapin, Erika…” ani Nico na nag-alis ng bara sa lalamunan.

“So we’re talking now…”

“Let’s have dinner, hindi dito.”

“Kung anuman iyong sasabihin mo sa akin, Nico, sabihin mo na rito. Ayokong sumamang lumabas sa iyo!”

“Naipagpaalam na kita sa Tita Eloisa…” pormal na tugon nito.

Nairita ang dalaga. “Natitiyak kong pumayag ang Mommy. Bakit hindi na lang kayo ng Mommy ang…”

“Erika!”

Nagyuko ng ulo ang dalaga. Napahiya sa sasabihin. Ano ang nangyayari sa kanya at nagiging bastos siya kapag kaharap ang lalaking ito? Sa opisina ay lantaran niyang ipinakikita ang inis dito. At karaniwan na ay wala siyang natatanggap na reaksiyon mula rito na lalo lang nagpapakulo ng dugo niya.

“I… I’m sorry.” Pati mommy niya ay idinamay niya sa inis niya. On the contrary, gusto niyang bigyan ng justification ang sarili sa sinabi. Bakit kailangang pagpasyahan ng dalawang ito kung makikipag-date siya kay Nico o hindi. Marahil ay isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit naiinis siya rito. Sa mata ng ibang tao ay utang-na-loob mo pa kapag napag-ukulan ka ng pansin ni Nico.

“And… why do you want to take me out?”

Isang tipid na ngiti ang isinagot ni Nico.

Napapikit si Erika. Oh dear! Napakamahal ng ngiti ng taong ito!

Matamang tinitigan niya ito. Kung tutuusin ay magandang lalaki si Nico. Hindi marahil iyong guwapong a la Tom Cruise, Michael Douglas o di kaya ay Charlie Sheen. But definitely, ito iyong lalaking bibigyan ng mga babae ng second look.

Tall, dark and attractive, in his own unique way. Pero hindi niya ito type! Maliban sa agwat ng edad nilang sampung taon ay napakapormal nito. Very conventional kahit sa pananamit. Lagi na lang naka- coat and tie, o di kaya’y slacks and long sleeves. Tulad ngayon, immaculate white na long sleeves at printed na gray and blue necktie at gray slacks.

Sa palagay niya, si Nico ang taong ni hindi mag-aangat ng isang paa para gumawa ng isang bagay na unconventional. And a lot of people respected him.

“At bakit sa palagay mo nakikipag-date ang isang binata sa isang magandang dalagang katulad mo?” sagot ni Nico na ikinaputol ng assessment niya rito.

“Oh, cut it off, Nico! Ayokong sumama sa iyo! Nai-imagine ko na maghihikab lang ako. I don’t like ballroom dancing, waltz at kung ano-ano pang sayaw na siya mong gusto.”

Tumaas ang kilay ng binata. “How did you know na sa isang ball nga kita dadalhin? And besides, kung doon nga, won’t you find it romantic? Considering na ang mga babaeng kasinggulang mo ay mahilig sa mga ganoong romantic fantasies like having their Prince Charming waltzing with them?” amused na tanong nito.

Tumalim ang mga mata ng dalaga. “Puwes, hindi ako kamukha ng mga babaeng sinasabi mo. At minsan man ay wala akong kapanta-pantasyang makasayaw ka ng waltz. Maliban pa sa you are not my type of a Prince Charming!” ang walang pakundangang sagot niya.

“At maaari ko bang malaman kung ano ang type mo, Erika?” Kung patuya iyon ay di-tiyak ng dalaga. Pero napangiti siya nang lihim at lumarawan sa isip si Cholo.

“Hindi mo kailangang sumagot. Alam ko ang tipo mong lalaki, Erika. Remember?” Sa pagkakataong iyon ay natitiyak niyang nanunuya ito at kumawala ang pagtitimpi niya.

“Hindi mo kailangang ipaalala sa akin ang minsang pagkakamali ko, Nico! Kahit sino ay maaaring magkamali. Kahit ikaw! Pero duda ako kung aaminin mong nagkamali ka pagdating ng panahong iyon!”

“Hindi pagkakamali ang tinutukoy ko, Erika. You’re young and naïve. Madaling maloko at madaling maniwala sa matatamis na dila ng mga lalaking sa palagay mo ay type mo. At kung ikasisiya ng loob mo, sa buong buhay ko ay marami akong pagkakamaling nagawa pero natuto ako sa mga iyon. Never to do the same mistake again,” mahinahong wika nito.

“Then rest assured, Mr. Nicholas Romero, na iyon ang una at huling pagkakamali ko pagdating sa bagay na iyon. At hindi mo kailangang ulit-uliting ipaalala sa akin!” Tumayo ang dalaga. Muling tumingin sa kausap.

“Please, Nico, hindi ba puwedeng iba na lang ang yakagin mong lumabas? I’m sure, you’ll never run out of… acquaintances to dine with,” mahinahon niyang sabi makalipas ang ilang sandali.

“I’m inviting you out, Erika. Kung ibang babae ang gusto ko ay wala ako rito. Get dressed. Nasasayang ang oras,” ang hindi mababaling salita nito.

Parang batang padabog na lumabas ang dalaga. Alam niyang sa ayaw at sa gusto niya ay mapipilitan siyang sumamang lumabas dito kapag sinabi ng mommy niya.

Kahit paano ay hindi niya kayang saktan ang damdamin ni Eloisa. Mula nang mamatay ang Uncle Fred niya ay lagi na lang itong naging masasakitin. Mas gustong laging nasa bahay at ayaw maglibang. Ang sabi ng family doctor nila ay masyadong dinamdam ni Eloisa ang pagkamatay ni Fred. Nahirapan itong tanggapin na ang dalawang lalaking pinakasalan nito ay agad na parehong nawala.

Mabigat ang mga hakbang ng dalaga papanhik sa silid niya.

Chapter 2

Bagaman naiinis siya kay Nico ay hindi gusto ni Erika na hindi maging presentable. Isang tight-fitting dress ang suot niya na may kaunting slit sa tagiliran. Sa Hong Kong niya iyon binili minsang niyakag niya ang mommy niya na mag-shopping doon. Kulay-puti iyon at nagbigay-accent sa morena niyang balat.

Naglagay siya ng kaunting makeup, mascara at frosted pink lipstick. Nag-dab ng Estee Lauder’s Private Collection sa likod ng tainga at pulso. Hinayaang nakalugay ang buhok na lampas-balikat. Dinampot ang Nina Ricci handbag at pagkasuot ng high heels na signature din ay bumaba na ng hagdan si Erika.

Nasa sala na si Nico at naghihintay. Habang papalapit siya’y hinagod siya ng tingin.

“You look very expensive! Mula ulo hanggang paa,” bungad nito na ngumiti. “Alam mo ba na ang halaga lang ng bag mo ay katumbas na ng suweldo ng isang empleyado natin sa loob ng isang buwan? Not to mention other things…”

Isang matalim na sulyap ang ibinigay ni Erika sa binata. “Binibigyan mo ba ng accounting ang mga isinusuot ko, Nico?”

“Not really. People nowadays are being kidnapped because of their money. But you’ve got more than just money, honey. At doon ako kinakabahan,” nakangiting sagot ng binata na kumikislap ang mga mata. “Hindi tayo ganoon kayaman para pagkaabalahan ng mga terrorist.”

Hindi nakaila sa dalaga ang paggamit nito ng endearment pero hindi niya iyon pinansin. Alam din niyang pinupuri ni Nico ang ayos niya na kung bakit hindi nito maideretsong sabihin ay ewan niya. Sasabihin lang nitong maganda o sexy siya ay ang dami pang pasakalye. Pati ba naman ang pagbibigay ng simpleng compliment ay mahirap para ditong sabihin?

“Let’s go. Nagpaalam na ako sa Tita Eloisa.” Hinawakan nito ang siko niya na iglap din niyang binawi. Nagkibit ng balikat ang binata.

Binuksan nito ang passenger’s seat ng Land Cruiser at pumasok siya. Gusto niyang itanong kung saan sila pupunta pero minabuting magsawalang-kibo.

Makalipas ang ilang sandali ay ipinarada ni Nico ang sasakyan sa parking space ng isang sikat na disco house.

“Disco? Magdi-disco tayo?” gulat niyang tanong.

“Bakit ka nagtataka? Ang akala ko ba ay ayaw mo ng ballroom o di kaya ng isang romantic place?’” amused na tanong ni Nico.

Hindi sumagot ang dalaga na duda pa ring nakatingin dito. Was Nico making a fool of himself? Well, titiyakin niyang walang sandaling masasayang sa pag-upo and Nico would be sorry for taking her here!

Sa loob, pagkatapos maupo at makapag-order ay nagyakag na agad magsayaw ang dalaga.

“Take a breath, kararating lang natin.”

Tumaas ang kilay ng dalaga. “Hindi mo ako dinala rito para kuwentuhan ng mga nangyari sa opisina?” Sinabayan niya ng tayo. “I could easily find myself a dancing partner, you should know that,” paghahamon niya at nagpatiunang lumakad.

Tiim-bagang na sumunod si Nico. Sa gitna na ng dance floor inabutan ng binata si Erika. Mabilis at maharot ang tugtog. Pati iba’t ibang kulay ng laser lights na nagsasalimbayan ay tila lalo lang nagpadagdag sa tiyempo ng musika.

Nagsimulang umindak ang dalaga. Hindi inaalis ang naghahamong mga mata sa binata. Kung inaakala ng dalagang maa-out of place si Nico ay nasorpresa siya. Sinasabayan siya nito sa pagsasayaw at hindi pinansin ang pagkagulat sa mukha niya. Hindi man gustong aminin ng dalaga ay mahusay sumayaw ang partner niya. Hindi lang basta mahusay, gosh, he was sexy dancing! At hindi kaila sa kanya ang mga mata ng mga naroong kababaihang nakatuon kay Nico.

Hindi rin niya gustong aminin pero nag-e-enjoy siya. Sige sila sa pag-indak sa nonstop na maharot na tugtog.

Si Erika ang nagyayang maupo na sila. Inaasahan niyang kakantiyawan siya ng binata pero hindi ito nagsalita. Dumukot ng panyo sa bulsa at nagpunas ng pawis sa mukha. Pagkatapos ay dahan-dahang ininom ang scotch nito. Si Erika man ay inabot ang gin and tonic niya.

“Now I’m hungry,” aniya makalipas ang ilang sandali.

“Ako rin pero huwag tayo ritong kumain. Isa pa, ang sasabihin ko sa iyo ay hindi mo maririnig sa ingay rito.” Sumenyas ang binata sa waiter.

Nagsalubong ang mga kilay ng dalaga sa huling sinabi ng kaharap. Ano’ng sasabihin nito sa kanya?

Ilang sandali pa ay nasa loob na sila ng isang cozy restaurant. Hindi maikakailang nagutom ang dalaga. Marahil sa ginawang walang hintong pagsayaw dagdag pa na mag-aalas-onse na ng gabi.

“You don’t care about your figure…” Si Nico nang mapunang magana si Erika sa pagkain.

Nag-angat ng ulo si Erika. “Hindi ako tumataba. Maliban pa sa nag-enroll ako sa isang slimming center.”

“Alam ko.”

Muling tumalim ang mukha ni Erika. “I wonder kung mayroon akong ginagawang hindi mo alam.”

Nangangalahati na sa dessert niyang mango pie si Erika nang muling magsalita si Nico. Ibinaba nito ang tasa ng kape sa platito.

“May dahilan kaya kita niyayang lumabas, Erika. Wala talaga akong planong dalhin ka sa disco,” simula nito.

“You brought me there to prove a point. So, mahusay kang sumayaw. Hindi ka lang sa boardroom magaling, sa dance floor as well. I’m impressed,” nanunuyang sagot niya.

“There’s no need for sarcasm, anyway. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit lahat na lang ng gavin ko ay ikinagugulat mo. Hindi mo inakalang kaya ko ring gawin ang ginagawa ng ibang lalaking kilala mo. At ngayong napatunayan ko sa iyong I’m as normal as you are ay nagagalit ka pa rin,” mahinahong wika nito.

“Well, I’m sorry, Nico. Siguro talagang hindi lang natin kasundo ang pag-uugali ng isa’t isa. Clash of characters…”

“Walang clash of character, Erika, dahil ikaw lang ang laging umaalma. Para kang wildcat ’pag kasama at kausap mo ako. While I’m completely at ease with you.”

Hindi sumagot ang dalaga. Itinuon ang pansin sa mango pie.

“Tulad ng sinabi ko, may dahilan kaya kita niyayang lumabas…” Si Nico uli.

“And what is that?”

“I’m asking you to marry me, Erika.”

Mula sa mango pie ay itinaas ng dalaga ang mga mata niya sa mukha ng binata. Tama ba ang narinig niya?

“A-ano’ng sinabi mo?”

“I’m asking you to marry me,” walang anumang ulit nito.

Hindi malaman ng dalaga kung ano ang dapat na maramdaman sa sinabing iyon ng binata. Pero iisa ang tiyak, gusto niyang magalit.

“Nag… bibiro ka ba?” Bago pa niya natapos ang sasabihin ay alam na rin niya ang sagot. Hindi ang tipo ni Nico ang gagawing biro ang ganoong bagay.

“Hindi ko maintindihan kung bakit may biglaang proposal na ito, Nico, but we’re… we’re… family. Anak ang turing sa iyo ng Mommy.”

“And that would really be justified kung makakasal tayo, Erika.” Isang matipid na ngiti ang ibinigay ng binata.

Biglang tumalim ang mukha ng dalaga. “I’m sorry for being so blunt, but no, I will not marry you. Kilala na kita dose anyos pa lang ako, Nico, and I didn’t like you then. I still don’t like you now,” deretsong wika ng dalaga.

Kung nasaktan man ang binata sa sinabing iyon ng dalaga ay hindi nito ipinakita.

“Bakit ganyan na lamang ang pagtanggi mo, Erika?” marahang tanong ni Nico.

“Matagal ko nang pinag-iisipan kung bakit ganoon na lamang ang panghihimasok mo sa buhay ko, Nico. Kahit ang personal na mga bagay na dapat ay hindi mo pakialaman ay pinakikialaman mo. Now I know. You have this ulterior motive. Kung bakit gusto mo akong pakasalan ay hindi ko maisip ang dahilan. And I have so many reasons not to accept your proposal. First, may boyfriend na ako. Mahal niya ako at ganoon din ako sa kanya at plano na naming magpakasal pagkalipas ng isang taon.” Sa bahaging iyon ng sinasabi ay umaliwalas ang mukha ng dalaga.

Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Nico pero hindi nagsalita.

Nagpatuloy si Erika.

“Pangalawa, walang pag-ibig na namamagitan sa atin…”

“Paano mo nasigurong wala, Erika?” agap ni Nico.

“Well, for sure, Nico, wala akong pag-ibig sa iyo. And don’t tell me that nonsense na may pag-ibig ka sa akin dahil hindi ako maniniwala sa iyo.”

“And what if I tell you na ganoon nga, Erika? Na ang dahilan kaya gusto kitang pakasalan ay dahil mahal kita?”

“Ang sabi ko ay hindi ko paniniwalaan iyan!” ulit ng dalaga. “In all these years na nakilala kita, wala akong natandaang may babae kang minahal, Nico. Oh yes, there were women who cried a river over you, mga babaeng nagkamaling mahalin ka. Some of them are my friends who made themselves foolish. No, Nico, you’re not capable of such emotion as love.”

“How well you judged me, Erika. Sana’y ganoon ka rin sa ibang mga lalaking nakatagpo mo,” matabang nitong sagot.

Uminit ang mukha ng dalaga. Alam niya kung ano ang tinutukoy nito.

“Oh, nagsasayang lang ako ng oras sa iyo, Nico! Hindi tayo magkakasundo kahit kailan. I hate everything you say and do!”

“Why do you dislike me, Erika? Ano ang nagawa ko sa iyo at ganoon na lamang ang galit mo sa akin?” seryosong tanong ni Nico.

Nabigla ang dalaga sa tanong na iyon. Sanay na siyang nagsasalita rito ng maaanghang pero hindi siya agad nakasagot sa tanong nito.

“E-ewan ko,” aniya makalipas ang ilang segundo. “Hindi ko alam. Siguro, dahil ’pag kasama at kausap kita, pakiramdam ko ay para akong bata na lagi mo na lang sinasaway sa maling kilos. Walang isip na laging binabantayan. Maalam at mahusay ka sa lahat ng bagay that everyone else pales in comparison. You’re hard and cold, parang walking machine… a walking computer perhaps.”

Sa pagkakataong iyon ay natawa ang binata. Hindi makapaniwala ang dalaga. Tatlong sorpresa ang tinanggap niya sa gabing ito. Nico danced, Nico proposed and Nico laughed! And my! He’s really handsome. Kung ganito lang sana ito lagi.

“Hindi ko alam na ganoon ang tingin mo sa akin, Erika. Nagawan ko sana ng remedyo iyan noon pa man,” natatawa pa ring sinabi nito, sabay hawak sa kamay ng dalaga at ikinulong sa mga palad nito. “I may be all the things you said, Erika, but you could melt my heart…” Kung ano pa ang sasabihin ng binata ay hindi na naituloy dahil biglang binawi ng dalaga ang kamay niya.

“Hindi ko gustong marinig ang iba mo pang sasabihin, Nico. You telling me those things now will not change my decision. Hindi ako pakakasal sa iyo dahil may boyfriend na ako!” mariing wika niya.

Maliban sa medyo pag-iigting ng mga bagang ay hindi kumibo si Nico. Dinampot ang baso ng tubig at uminom. Pagkatapos ay tinawag ang waiter.

Chapter 3

Kinabukasan sa opisina ay tinawagan ng dalaga ang boyfriend niyang si Cholo.

“Erika, darling…” sagot ng nasa kabilang linya.

“Libre ka ba mamayang hapon? Sunduin mo ako and let’s dine together. Babalikan ko na lang ang kotse ko pagkatapos.”

“Hmm, let’s see…” Sandali itong nag-isip. “Dumaan ka na lang dito, sweetheart. Hindi ako sigurado kung anong oras ang tapos nitong customer ko mamayang hapon. I scheduled this special session for her.”

“Iyan bang ‘her’ na iyan ay spring chicken o inahin?” biro ng dalaga.

“You’re jealous!” Tumawa ito. “Si Mrs. Alfonso ang schedule ko mamaya, sweetie. Hihintayin kita, okay?”

Pagkababa ng telepono ay sumandal sa swivel chair niya si Erika. Sana’y tanggapin ni Cholo ang alok niyang tulong at magpakasal na sila. Kinakabahan siya sa nangyari. Bumalik sa isipan ang pangyayari kaninang umaga bago siya pumasok.

Nasa mesa silang mag-ina at nag-aalmusal.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Erika. Ano ang nangyari sa pag-uusap ninyo ni Nico kagabi?” tanong ni Eloisa habang naglalagay ng kape sa tasa.

“A-ano ang ibig ninyong sabihing nangyari, Mommy?” pag-iwas niya.

“Sinabi na sa akin ni Nico na gusto niyang magpakasal kayo at sumang-ayon ako. Ganoon pa man ay sinabi ko sa kanyang kausapin ka.”

“Mommy! I can’t believe na pumayag kayong pakasal ako sa kanya!” protesta ng dalaga.

“And why not? You will make me happy, darling, kung makakasal kayo ni Nico sa lalong madaling panahon. Alam kong magiging mabuting asawa si Nico, hija, at mapapanatag ang loob ko.”

“Mommy, may boyfriend na ako at balak naming magpakasal after a year. Mahal ko si Cholo, Mommy, at mahal din niya ako. Huwag ninyong gawin sa akin ito. Wala akong pag-ibig kay Nico,” pagsusumamo niya.

Tumaas ang guhitang kilay ni Eloisa. “Alin, Erika? ’Yong bigotilyo mong boyfriend na minsan man ay hindi ko nakitang pumanhik ng dalaw dito sa atin?”

“Nahihiya si Cholo sa inyo, Mommy. Nag-aalangan siya na baka hindi ninyo siya magustuhan dahil sa katayuan niya sa buhay…” depensa ng dalaga.

“Sinumang tao na malinis ang hangarin ay haharapin ang mga sirkumstansiya, Erika. At hindi ako tumitingin sa bulsa ng tao bilang sukatan ng pagkatao, alam mo iyan.”

“Makikipag-usap siya sa inyo, Mommy. You just wait. Mamayang gabi, bukas, o sa susunod na araw.”’

“Nevertheless, Erika. Hindi ang bigotilyong iyon ang gusto kong mapangasawa mo. Kung ako sa iyo ay puputulin ko na ang anumang kaugnayan mo sa boyfriend mo na iyon!” pinal na wika ni Eloisa.

Mabigat ang loob na pumasok siya sa opisina nang umagang iyon. Kailangang mag-usap sila ni Cholo mamaya. Pipilitin niyang makasal na sila. Kahit saan, kahit sa huwes o kahit secret marriage.

Hindi namalayan ng dalaga ang pagbukas ng silid niya.

“Daydreaming?” bungad ni Nico.

Bigla ang pagmulat niya ng mga mata. “It’s none of your business! Isn’t it polite to knock first bago ka pumasok sa silid ng may silid?” angil niya.

“Hindi ko alam na maaari na palang magsalita nang ganyan ang employee sa employer ngayon?” tukso ng binata. “May bago bang labor code ngayon na hindi ko alam?” patuloy nito at naupo sa gilid ng mesa niya.

“Puwede ba, Nico… iwan mo ako.”

“Relax, Erika. Yayayain lang kitang mananghalian. Pasado ala-una na.”

Tiningnan ng dalaga ang relo niya. Ala-una kuwarenta.

“You are really giving me pleasure na makitang suot mo ang relo na iyan hanggang ngayon, Erika.” Nagniningning ang mga mata ng binata.

“W-well… to be honest, gusto ko ang relong ito. But I could easily…” Akmang tatanggalin ang relo mula sa braso subalit hinawakan ni Nico ang kamay niya.

“Huwag, Erika. It took me one month para pag-isipan kung ano ang ibibigay ko noong graduation mo. Hindi mo lang alam ang kaligayahang nadarama ko tuwing nakikita kong suot mo iyang Cartier na iyan,” marahang wika nito.

Pinanlakihan ng mga mata si Erika. Naiilang siya sa softness na iyon ng tinig ng binata. Tumayo ito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. Marahang itinaas.

“It has been a year since I gave you that pero ni hindi ko pa narinig na pinasalamatan mo ako considering na inaamin mong gusto mo ang ibinigay ko sa iyo. I’ll claim my thanks now.” At bago pa nakakilos ang dalaga ay nasa mga labi na niya ang mga labi ng binata. Mainit ang halik na iyon na bagaman hindi marahas ay hindi rin naman banayad.

Wala sa loob na ibinuka niya ang mga labi na dahilan upang higit pang lumalim ang halik na iyon. Halos ginagantihan na niya ang halik nito at nang inaakala niyang natatangay siya ay huminto sa paghalik si Nico. Unti-unti ang ginawa nitong pag-angat ng ulo mula sa kanya na anupa’t parang gusto niyang pigilan.

Nagugulumihang napasandal siya sa dingding. Nanatiling hawak ng binata ang batok niya at marahang hinahaplos. Dinama ng thumb finger nito ang mga labi niya… still moist from his kisses.

Bahagyang ipinilig ng dalaga ang ulo at iglap na naupo sa swivel chair.

“Lagi bang halik ang hinihingi mong kapalit sa mga ibinibigay mo, Nico?” Tumalim ang mukha niya.

“Sometimes. I seldom enjoyed it, Erika. But I enjoyed it now… with you. And I know you enjoyed it, too.”

Sinikap ng dalagang maging kaswal kahit medyo nanginginig ang mga tuhod.

“I… I certainly did. Why not, you’re a good kisser. Gusto ko nang maniwalang you can never do wrong. Mula sa pagpapalakad sa kompanya hanggang sa paghalik,” ang tila walang anumang sagot niya.

Pumuno sa air-conditioned na silid na iyon ang tawa ni Nico. Pagkatapos ay yumuko sa kanya.

“Come on, Erika. Let’s have lunch…”

“Ayokong sumama sa iyo, Nico. And please, just leave me alone!”

Nagkibit ng balikat ang binata at lumabas ng silid.

Chapter 4

ALAS-SINGKO y medya ay nasa opisina ni Cholo si Erika.

“There you are, sweetheart. Katatapos lang namin,” nakangiting bungad nito. Naka-tights pa ito at pawisan. Nakasabit ang tuwalya sa leeg.

Kinuha niya ang tuwalyang nakasabit sa leeg nito at pinunasan ang pawis ng kasintahan.

“That’s sweet, Erika…” Hinapit siya at siniil ng halik sa mga labi. Mariin at mapusok.

“Stop it, Cholo. Baka may pumasok,” aniya na kumawala rito.

“Walang papasok, Erika. My room is private.” At ipinagpatuloy nito ang ginagawa. Sa pagkakadikit nila ay naramdaman ng dalaga ang pagkapukaw ng pagkalalaki nito sa manipis na tights.

“Cholo, kailangang mag-usap tayo, please. May sasabihin ako.”

“Mamaya na tayo mag-usap, Erika. We have plenty of time para doon.” Pagkatapos ay muli siyang siniil nito ng halik. Sa labi, sa punong-tainga, at sa leeg. Bahagya nang namalayan ni Erika ang pagtanggal nito sa zipper ng damit niya sa likod.

“C-Cholo…” aniya na nagtatalo ang isip. Gusto niyang sabihin dito agad ang problema pero abala ang kasintahan sa katawan niya. Naibaba na nitong tuluyan ang zipper niya sa likod at ngayon ay hinawi nito ang damit niya na bumagsak sa sahig. Pagkatapos ay inihiga siya sa sofa.

“Na… natatakot ako, Cholo…” Wala pang lalaking umangkin sa katawan niya. Bago si Cholo ay may naging boyfriend na siya pero hindi ito umabot sa puntong nauuwi sa pagtatalik. Maingat siya sa bagay na iyon.

“Easy, sweetheart. Trust me. Oh, Erika, kay tagal ko nang gustong gawin natin ito and we’re two mature people…” Tuluyan na rin nitong natanggal ang hook ng bra niya. Napaigtad si Erika nang damhin ng palad nito ang dibdib niya. Pagkatapos ay bumaba ang mga kamay nito sa panty hose niya.

Sama-sama na ang nasa isip ng dalaga. Takot sa ginagawa ni Cholo. Si Nico at ang mommy niya bilang threat sa kanila ng kasintahan. At ang pag-aalala kung tamang ipagkaloob niya ang sarili sa kasintahan gayong hindi pa sila kasal.

“Cholo… baka…”

“I won’t hurt you, promise…’

“Pero… hindi pa tayo mag-asawa. Hindi pa tayo nakakasal…”

“I will marry you, Erika. Please, let’s talk later…” Abot-abot ang paghahabol nito sa paghinga.

Napapikit si Erika. Pakakasalan siya ni Cholo. At kung ipagkakaloob niya rito ang pagkabirhen niya ay tiyak niyang mapapadali ang gagawin nilang pagpapakasal. At wala nang magagawa ang mommy niya at si Nico. Sa ayaw at sa gusto ng mommy niya ay magiging asawa niya si Cholo.

Muli siyang napaigtad nang maramdaman ang kamay at mga labi ng lalaki sa tiyan niya.

“Oh, Erika, you’re so beautiful..!” ani Cholo na tumayo. Naramdaman ng dalaga ang malamig na dampi ng hangin sa paghiwalay na iyon ng lalaki sa katawan niya.

Nang tingnan niya ito ay nagtatanggal ng top. Tumambad sa kanya ang hinahangaang katawan nito. Nang hubarin ni Cholo ang pang-ibabang tights ay ibinaling ng dalaga ang mga mata sa kisame.

“Sweetheart, you’re so shy…” ani Cholo na muling bumaba sa kanya sa may sofa at siniil siya ng halik. Kung mayroon mang pasubali kanina sa isipan niya ay nabawasan na ngayon.

Bumaba ang mga kamay ni Cholo sa kahuli-hulihang saplot niya upang tanggalin ito. Biglang nanigas ang mga binti ng dalaga.

“It’s all right, sweetheart, relax…” At muling dumampi ang mga labi nito sa kanya.

Sinikap niyang mag-relax.

Sa ganoong sandali pinili ng telepono na mag-ring. Napabalikwas si Erika.

“Ang telepono, Cholo.”

Ni hindi sinulyapan ng lalaki ang kinalalagyan ng telepono. Pilit na ibinababa ang underwear ng dalaga.

“Please, Cholo… sagutin mo muna ang telepono.”

“Sweetheart, huwag mong intindihin iyon. Titigil din iyan.” Nasa tinig nito ang pagkainis. May ilang buwan na silang magkasintahan pero minsan man ay hindi nito nagawang umabot sila sa ganito.

Subalit hindi tumigil ang telepono. Naliligalig si Erika. Mabilis siyang tumayo at kumawala mula sa kasintahan.

“Please, sagutin mo na…”

Nagmumurang napilitang tumayo ang lalaki at pahablot na dinampot ang telepono. “Hello!” pabulyaw nitong sagot.

“Gusto kong makausap si Erika, ngayon din! Alam kong nariyan siya.” Kung pagalit nitong sinagot ang telepono ay ganoon din ang nasa kabilang linya.

Higit sa lahat ay naroon ang awtoridad sa tinig nito. Sinulyapan ni Cholo ang dalaga na kasalukuyang inaayos ang sarili.

“S-sino iyan?”

Atubiling sumagot ang lalaki. Hindi niya gustong ipasa kay Erika ang telepono nang muling magsalita ang nasa kabilang linya.

“Kilala kita, Cholo Alejo. Ibigay mo kay Erika ang telepono or you’ll be sorry for the rest of your life.”

Nagtagis ang mga bagang ng lalaki. Ano’ng ibig sabihin ng tumatawag na ito? Isinenyas ang telepono sa dalaga na noon ay inaabot ang zipper sa likod upang isara.

“Para sa iyo.”

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Tinahip ang dibdib ng matinding kaba. Sino ang tatawag sa kanya rito sa opisina ni Cholo? Paano may nakaalam na narito siya? May emergency ba?

“Make it fast, Erika. Kung anuman ang gusto niyan ay tapusin mo kaagad!” ang naiiritang sabi ni Cholo na dinampot sa mesa ang sigarilyo at nagsindi.

Alanganing dinampot ng dalaga ang telepono. “H-hello?”

“Narito lang ako sa parking area, Erika. Lumabas ka ngayon din ng opisinang iyan!” ang sabi ng nasa kabilang linya.

“Nico!” bulalas ng dalaga.

“Sino iyan?” Si Cholo na nakita ang reaksiyon niya.

“Erika, hindi ako nagbibiro. Lumabas ka ng opisinang iyan ngayon din!” muli’y sabi ng binatang nasa kabilang linya.

Nahalinhan ng galit ang pagkabigla ni Erika. Hanggang dito ba naman ay sinusundan siya ni Nico?

“Dalawang minuto, Erika, o ako mismo ang papasok diyan at hihilahin kita palabas!”

“Ano’ng karapatan mong…!” Subalit nawala na sa linya ang kausap niya. “Hello! Hello… Oh, damn you, Nico!” lbinaba ng dalaga ang telepono at mabilis na inayos ang sarili. Alam niyang gagawin ni Nico ang sinabi.

“Sino’ng tumawag, Erika? Ano’ng nangyari?” magkahalong inis at pagtatakang usisa ni Cholo.

“I have to go, Cholo. Saka ko na lang ipaliliwanag sa iyo. Tatawagan kita mamaya sa apartment mo.” Mabilis niyang dinampot ang bag at halos patakbong tinungo ang pinto palabas.

Binuksan ng security guard ang front door nang makita siya. Paglabas niya ay nahagip agad ng mga mata niya si Nico na nakasandal sa pinto ng Land Cruiser.

Chapter 5

Nagpupuyos ang loob na nilapitan niya ito.

“Ano ba ang gusto mong palabasin? Bakit hanggang dito ay sinusundan mo ako!” bulyaw niya.

Hindi sumagot si Nico. Sa halip ay kinuha ang bag niyang hawak at dinukot doon ang susi ng kotse niya. Humakbang ito patungo sa guwardiya, iniabot ang susi rito pagkatapos magbilin, saka muli ring bumalik sa kinatatayuan niya.

Hinawakan nito ang braso niya at hinila patungo sa passenger seat ng Land Cruiser. “Sumakay ka na!”

“Ano’ng karapatan mong gawin sa akin ito, Nico? Ama ba kita?” hiyaw pa rin niya na pilit umaalpas sa pagkakahawak ng binata.

“Huwag kang gumawa ng eksena, Erika. I can always haul you inside. Ang mabuti pa ay sumakay ka na,” mahinahong utos nito.

“Hindi ako sasakay rito! May sarili akong kotse! For heaven’s sake, I can’t believe you’re doing this to me!” ang tila naghi-hysteria niyang sabi.

“Don’t worry about your car, Erika. May kukuha niyan mula sa opisina. Now, bubuhatin ba kita o sasakay ka nang kusa?” Naroon ang matinding pagpipigil sa tinig ng binata.

Kulang na lang ay maglabasan ang apoy sa mga mata ng dalaga sa galit. Pumasok siya sa sasakyan at ubos-lakas na ibinagsak ang pinto. Sumunod sa kabila si Nico. Papalabas na sila ng parking area nang matanawan niya si Cholo na nakatayo sa tabi ng guwardiya.

Kinapa ng dalaga ang door handle. Gusto niyang lumabas ng Land Cruiser at tumakbo sa mga bisig ni Cholo.

“Don’t be a fool. Erika,” warning ni Nico.

Malayo na sila’y lumilingon pa si Erika. Saka pa lang niya inalis ang mga mata mula sa katipan nang makaliko sila sa isang intersection.

Nagliliyab ang mga matang binalingan niya si Nico.

“Ipaliwanag mo sa akin ang ginawa mo, Nico! And it better be good!”

Hindi sumagot ang binata pero inabot ang maliit na compartment sa tapat ni Erika at binuksan ito. Kinuha roon ang isang di-kalakihang brown envelope at ibinaba sa harap ng dalaga.

“A-ano ito?”

“Buksan mo.”

Nahalinhan ng matinding kaba ang galit sa dibdib ni Erika. Pakiramdam niya ay narinig ni Nico ang tambol ng dibdib niya. Napapikit siya at sumandal.

Not again, please! Not this time, not Cholo! I really love the man! tahimik niyang usal. Ilang sandali muna niyang pilit na kinakalma ang sarili bago sa nanginginig na mga kamay ay unti-unting binuksan ang envelope. May ilang pirasong papel sa loob at mga litrato. Lalong sumidhi ang kaba niya. Marahan niyang hinugot palabas ang mga litrato at tiningnan. Halos mawalan ng kulay ang mukha niya sa larawang bumungad sa kanya. Inisa-isa niyang tingnan ang mga ito.

“No! Hindi totoo ang mga ito!” Halos walang tinig na lumabas sa lalamunan niya. Paulit-ulit niyang pinagmasdan ang mga larawan.

“Pa… papaano mong…?” But that was a stupid question. Knowing Nico ay walang imposible rito. Pero sinagot ng binata ang nabitin niyang tanong.

“I hired a private investigator, Erika.”

Hindi mapigil ng dalaga ang mga luhang kanina pa gustong pumatak. “I hate you, Nico!”

“So, what else is new?” sagot nito na sinabayan ng buntong-hininga. “Sanay na ako sa sinasabi mo. Erika. Hindi ko rin inaasahang pasalamatan mo ako sa ginawa ko sa ikalawang pagkakataon!” Idiniin nito ang huling sinabi.

Tuloy sa pag-iyak ang dalaga. Hindi niya gustong umiyak sa harap ni Nico pero hindi niya mapigil ang bugso ng damdamin. Dinukot ng binata ang panyo nito sa bulsa at inilapag sa harap niya.

“Hindi ko alam kung saan ka kumuha ng karapatang gawin sa akin ito! Kung inaakala mong ikinatutuwa ko na sa tuwina na lang ay naipapamukha mo sa akin ang kagagahan ko, puwes, nagkakamali ka! And I love that man!”

“Nasabi mo na sa akin iyan,” malamig nitong tugon.

“Hindi na kita gustong makita pa, Nico! And please, tigilan mo ang pagpapasubaybay sa akin!‘’

Ipinarada ng binata sa tapat ng mansiyon ang sasakyan. Hindi agad bumaba si Erika na pinahid ang mga luha.

“Baka pati sa bahay ay may espiya ka. Oh, kakampi mo nga pala ang mommy…” patuyang dagdag ng dalaga nang hindi sumagot ang binata sa unang sinabi.

Bubuksan na lang niya ang pinto nang magsalita si Nico.

“Hindi mo suot ang stockings mo, Erika,” marahang wika nito. “Matagal na bang walang silbi ang laman ng envelope na iyan?” Lungkot at galit ang nahimigan niya sa tinig nito. At pinamulahan siya ng mukha nang masakyan ang sinabi ng binata.

Muli niya itong hinarap at sa sama-samang emosyon ay pinagsusuntok niya si Nico.

“Oh, I hate you! Really hate you!” At muling nag-iiyak habang dalawang kamay niyang sinusuntok ang binata. Hindi kumikilos si Nico at ilang sandali ring pinabayaan siyang ibuhos ang sama ng loob niya rito.

Nang tumigil siya ay marahan siyang kinabig nito sa dibdib. Itinaas nito ang kanyang mukha at pinahid ng kamay ang mga luha sa pisngi niya. Pagkatapos ay dinampian siya ng halik sa mga labi. So soft and gentle na lalo lang nagpadagdag sa habag niya sa sarili.

Bago pa muling tumulo ang luha niya ay mabilis siyang kumawala mula rito at bumaba ng sasakyan. Halos patakbong pumasok sa gate at papasok sa mansiyon.

Hindi bumaba para sa hapunan si Erika nang gabing iyon. Nagkulong at nag-iiyak siya sa silid niya. Tinitigan ang envelope sa ibabaw ng kama. Kailangang siya mismo ang makapagpatunay ng mga iyon.

Chapter 6

KINABUKASAN ay nasa tapat si Erika ng isang katamtamang laking bungalow. Mababa lang ang bakod at puti ang pintura. Nag-buzzer siya at ilang sandali pa ay lumabas ang katulong. Matapos siyang magpakilala at sabihin kung sino ang sadya ay pinapasok siya nito.

Inilibot ng dalaga ang mga mata sa kabahayan. Maaliwalas at malinis ang paligid. May Lego at mga laruang nagkalat sa sahig. Ang mga kasangkapan ay tulad din marahil ng sa karaniwang tahanan. Sa ayos ay average ang pamumuhay. Natuunan niya ng paningin ang isang family portrait na nakapatong sa ibabaw ng TV set. Marahan siyang tumayo at nilapitan ito.

Sa nanginginig na mga kamay ay dinampot niya ito. Tatlong tao ang mga nakalarawan doon. Mga nakangiting lahat. Parang hinihiwa ang dibdib niya sa matinding sama ng loob.

“Apat na buwan akong buntis sa bunso ko sa litratong iyan.” Isang tinig mula sa likuran na kung hindi naagapan ng isa niyang kamay ay naibagsak niya ang kuwadro sa gulat. Maingat niya itong ibinalik sa dati.

Nilingon niya ang nagsalita. Isang babaeng marahil ay nasa late twenties o thirty. Simple ang ganda. Nakatali ang buhok sa likod at homebody sa suot na cotton dress.

“Please sit down, Miss Barrientos…” Itinuro nito ang sofa.

Marahang lumakad patungo roon si Erika at naupo.

Ngumiti ang babae. Pilit. “Nakita na kitang minsan sa center at alam kong…” Hindi nito itinuloy ang sasabihin. May gumuhit na lungkot sa mukha. Pero sandali lang iyon. Muli’y pilit na ngumiti. “What would you have? Juice? Coffee?”

“No… thank you.” Hindi malaman ng dalaga kung ano ang sasabihin. Nakatitig lang sa kaharap.

“Let’s not beat around the bush, Miss Barrientos. Ano’ng kailangan mo sa akin? Tulad din ng iba? Iinsultuhin ako at sasabihing ipaubaya sa kanila si Cholo?”

Naguluhan si Erika. “T-tulad ng iba? Ano’ng ibig mong sabihin?”

Huminga nang malalim ang babae. “Hindi ikaw ang unang babaeng nagpunta rito, Miss Barrientos. At natitiyak kong hindi ikaw ang panghuli. Ang tanging kaibahan mo sa iba ay mayaman ka. Ano ang sasabihin mo sa akin? Na bibilhin mo sa akin ang asawa ko?” Deretsong tumingin ang babae sa kanya sa matigas na mukha.

Napapikit si Erika. Sobra-sobra iyon sa inaasahan niya.

“Ang iba ay ganda ng mukha at katawan ang ipinagmamayabang sa akin. Dumarating sila rito na akala mo ay pag-aari nila ang asawa ko.” Tumalim ang mga mata nito. “Ikaw ang pinakamatagal na naging babae ng asawa ko, Miss Barrientos.” Nanlaki ang mga mata ni Erika sa tinuran ng kaharap. “Babae ng asawa ko!”

“And I can see why. You’re very pretty. Higit na maganda kaysa mga nauna. At mayaman pa,” patuloy nito. Naroon ang pinagsama-samang pait at inseguridad sa tinig nito.

Gusto niyang lumabas ng bahay na iyon ngayon din. Kinakapos siya ng paghinga sa mga naririnig niya. Gusto lang niyang ikumpirma kung totoo ang mga isinasaad ng larawang nasa envelope pero hindi niya inaasahan ito.

“I’m sorry, Mrs. Alejo. Wala akong alam sa tunay na pagkatao ni Cholo. Nalaman ko lang kahapon mula sa isang nagmamalasakit. Engaging myself with a very much married man is not my cup of tea, Mrs. Alejo. Nagpunta ako rito upang patunayan sa sarili ko ang katotohanan.”

Biglang umaliwalas ang mukha ng babae Pagkatapos ay ang pag-aalinlangan.

“You’ve known your husband to be a womanizer, pero bakit..?”

Maagap na sumagot ang babae. “Mahal ko si Cholo. Miss Barrientos. At alam kong mahal niya kami ng mga anak niya. Na hahawakan kong mahigpit ang pangako niyang hindi kami iiwan anuman ang gawin niya. That the women who come and go ay aliwan lang niya at bahagi ng hanapbuhay niya. Hindi ito magtatagal…” Sandaling huminto at tumingin kay Erika. “No offense meant, iyon ang sinabi niya sa akin.”

“I’m… okay…” sagot ni Erika na gustong sumabog ang dibdib sa sama ng loob. Aliwan? Hindi magtatagal? “At… at… naniniwala ka sa… asawa mo?”

“Oo!” matatag nitong sagot. “We’ve been married for six years at wala pa siyang babaeng ibinahay. Umuuwi siya rito gabi-gabi kahit may sarili siyang bachelor’s pad. Kahit abutin ng madaling-araw, basta umuuwi siya rito sa amin ng mga anak ko.”

Hindi malaman ni Erika kung kanino siya maaawa. Sa sarili dahil naloko siya ni Cholo o sa asawa nito?

Dalawang bata ang biglang lumabas mula sa pinto at naghabulan. Tumakbo sa ina ang maliit.

“Ang mga anak namin, Miss Barrientos. Si Chela, five years old at ang bunso, si Junjun, three years old.”

Nginitian ni Erika ang mga bata na muling nagtakbuhan pabalik sa loob.

Nanatiling nakatitig sa pintong dinaanan ng mga bata si Erika. Gusto niyang maiyak. Paano niya matatanggap ang katotohanang ito nang madali.

“Ikinalulungkot ko, Miss Barrientos…” ani Mrs. Alejo na ang tinutukoy ay ang damdamin niya,.

Pilit na ngumiti si Erika. Marahang tumayo. “I guess I have to go.” Binuksan ang bag at may kinuha mula roon. “Ibinigay ito sa akin ni Cholo two months ago. Kahit papaano ay alam kong may halaga ito. Higit sigurong may karapatan ang mga anak mo sa perang ipinambili nito.” Iniabot niya ang isang bracelet na may ilan ding brilyante. “Rest assured, Mrs. Alejo, na hindi ko na gustong makita pa ang asawa mo.” Pinilit niyang patatagin ang tinig kahit na nanginginig ang mga tuhod.

Inabot ng babae ang bracelet. “Salamat. Sana’y nagkatagpo tayo sa ibang pagkakataong ’di tulad nito. Maybe we could be friends.”

Ngumiti si Erika. “Yes. Good-bye.” Mabigat ang dibdib na tumalikod ang dalaga.

Matagal nang tumatakbo ang kotse niya ay hindi pa rin makapaniwala si Erika. Gumuho’ng lahat ng mga pangarap niya… nila ni Cholo. At ang asawa nito, martir ba ang tawag dito? O, iyon ang paraan nito upang manatiling intact ang pamilya? In some ways ay hinahangaan niya ang babae dahil hindi niya kaya iyon.

Nasasaktan siya sa pagkaalam na niloko siya ni Cholo. At mahal niya ito. Naniwala siyang pakakasalan nito!

Ang sabi ng asawa nito ay siya ang pinakamatagal na babae ni Cholo. Babae! Nananayo ang mga balahibo niya sa salitang ginamit. Napapahiya siya sa sarili. Siya, si Erika Barrientos, socialite, maganda, matalino at mayaman ay isang keptwoman!

Siya rin daw ang pinakamatagal. Iyon ay dahil nagawa niyang iiwas ang sariling makipagtalik dito. Umaalingawngaw sa tainga niya ang mga pahayag ni Cholo ng pag-ibig… ang mga endearment nito. Oh, they sounded so true na naniwala siya.

Kung hindi dahil kay Nico, malamang ay naipagkaloob na niya ang sarili kay Cholo. Si Nico! Kinamumuhian niya ito. Lagi na lang itong tama at lagi na lang na maling lalaki ang nakakatagpo niya.

Sa pinaghalong sama ng loob at galit kay Nico ay nanariwa sa isip niya ang hindi na sana niya gustong alalahanin. Ang unang lalaking pinaniwalaan niya at pinagkatiwalaan. Si Alex…

Chapter 7

Nakilala niya si Alex sa isang party. May isang taon na ngayon ang nakalipas. Nakakahawa ang kakalugan nito at nakakaakit ang dalawang dimple sa pisngi kapag tumatawa.

Med rep ito sa isang malaking drug company. Niligawan siya at sinagot naman niya.

Tatlong beses sa loob ng isang linggo ay nagde-date sila. Sa sine, sa concert, o kahit na sa park lang at nagho-holding hands. She felt so romantic and in love.

Kadalasan ay siya ang taya kapag lumalabas sila. Ito ay dahil siya na rin ang nagpipilit. Gasino na lang ang suweldo ni Alex at may kapatid pang pinag-aaral sa kolehiyo.

“Nakakahiya na sa iyo, Erika. Lagi na lang na ikaw ang nagbabayad kapag kumakain tayo,” malungkot nitong sabi minsang nasa isang coffee shop sila sa Manila Hotel.

“Ano naman ang masama doon, Alex. Magkasintahan naman tayo and I can afford to pay.”

“Iyon na nga, eh. Alangang-alangan ako sa iyo. Nahihiya na rin ako sa mommy mo.”

“Hindi matapobre ang mommy, Alex,” assurance niya.

“’Pag nakatapos na ang kapatid ko, Erika, pangako, babawiin kong lahat ang mga pagkukulang ko sa iyo.” Ginagap nito ang kamay niya at dinala sa mga labi nito.

“Silly. Wala akong alam na pagkukulang mo sa akin.”

“I’m very lucky for having you as a girlfriend, Erika. I love you so much.‘’

“And I love you, too.” Masayahin si Alex. Pero ’pag ganitong nalulungkot ito ay nababagbag ang puso niya. Hindi nito kasalanang maging mahirap.

Minsan ay isang linggong hindi nagpakita si Alex. Hindi rin tumatawag. Kapag tumatawag siya sa opisina nito ay laging sinasabing nasa field. Hindi naman niya alam ang bahay nito. Basta ang sinabi nito sa kanya ay sa Sta. Mesa. Nag-aalala na siya.

Hustong ika-isang linggong wala siyang narinig mula rito ay tumawag ito at sinabing magkita sila sa isang lugar. Doon niya nalaman ang dahilan.

“Pasensiya ka na kung hindi kita natawagan, sweetheart. Naging abala ako sa Inay. Nasa ospital siya ngayon at naka-schedule na operahan sa obaryo dahil kung hindi ay baka mauwi sa cancer,” malungkot nitong balita.

“Nag-alala lang ako dahil baka kung ano na ang nangyari sa iyo, Alex. Ngayong alam ko na ay wala kang aalalahanin.” Nakikita niyang ni hindi na nagawang mag-ahit nito.

“Baka sa susunod na mga araw ay hindi muna tayo magkita, Erika. Kailangang magawan ko ng paraang maoperahan ang Inay. Ubos na’ng lahat ang loans ko at natapat pa sa tuition fee ng kapatid ko,” ang tila maiiyak nitong sabi.

“Oh, I’m sorry. Hindi kita dapat na bagabagin sa problema ko,” patuloy nito.

“Hindi ako ibang tao, Alex. Magkasintahan tayo at gusto kong makatulong. Magkano ba ang kailangan mo?” Nakita niya ang biglang pagkislap ng mga mata nito.

“Around thirty thousand, Erika. Nasa charity pa ang Inay n’on.” Nagbuntong-hininga ito at tumingin sa labas.

Binuksan ng dalaga ang bag niya at kinuha ang checkbook.

“Ano’ng ginagawa mo?” ang may pagkamanghang tanong ng binata.

“Please, let me help you, Alex. I really want to.” Nagsusumamo siya.

Napapikit ito at tinutop ang noo. “Huwag, Erika. Ayoko ng ganito. Hiyang-hiya na nga ako sa iyo.”

“Bayaran mo ’pag naka-recover ka. Kahit installment,” console ng dalaga sa nasaktang pride nito. Sumulat ng halaga sa tseke at pagkatapos pirmahan ay iniabot kay Alex.

Atubiling tinanggap iyon ng binata na nang makita ang halaga ay nanlaki ang mga mata. “Fifty grand!”

“Take it, Alex. At ilipat mo sa pay ward ang nanay mo,” nakangiting wika niya.

“Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan, Erika.”

“Huwag mong intindihin iyon. Idadaan na kita sa inyo at wala ka yatang dalang sasakyan.”

“Huwag na,” mabilis nitong tanggi. “Sa ospital ang tuloy ko at ayokong abalahin ka dahil aasikasuhin ko kaagad ang Inay.”

“All right. Tawagan mo ako.” Iyon lang at naghiwalay na sila.

Dalawang araw ang matuling lumipas na walang tawag mula kay Alex. Nang hapong iyon ay nasa mansiyon si Nico.

“Gusto mo raw akong makausap.” Si Erika na bumababa ng hagdan. Nasa paanan si Nico at sa tantiya niya ay kulang na lang na panhikin siya.

Nagpatiunang lumabas sa lanai ang dalaga at naupo sa malapit sa pool.

“Tinawagan ako ng bangko, Erika. Nag-issue ka raw ag tsekeng worth fifty thousand,” bungad ni Nico.

“Ano’ng problema, Nico?” Nagtaas ng kilay ang dalaga.

“Iyon ang kauna-unahang malaking halagang nai-withdraw mo sa account mo, Erika. May malaking pinagkagastahan ka ba?” marahang tanong ng binata.

“For goodness’ sake, Nico! Personal account ko iyon at karapatan kong mag-withdraw kahit magkano!”

“Hindi mo kailangang magalit dahil nagtatanong lang naman ako. Baka may problema ka sa pera kaya ka nakapag-issue ng tseke. Hindi mo kailangang galawin ang earnings mo mula sa kinikita mo sa kompanya,” mahinahong wika nito. “You can always ask from me…”

“W-well…” Nagkibit ng balikat ang dalaga. Ilang sandaling katahimikan ang lumipas.

Tumikhim si Nico. “Lalaki ang recipient ng tseke. Erika…”

Kumawala ang pagtitimpi ng dalaga. “Ano ba ang gusto mong palabasin, Nico? Ano ba’ng pakialam mo sa pera ko?”

Hindi pa rin natigatig ang binata sa outburst niya. “Kung reasonable ang pinagdalhan mo ng pera ay walang problema, Erika. You don’t have to shout at me. Gusto kong malaman kung sino ang pinagbigyan mo at kung bakit.” Bagaman mahinahong nagsasalita ito ay naroon ang awtoridad sa tinig. “Hindi kailangang makarating ito sa Tita Eloisa.”

Wala namang dapat ipaglihim dahil sa mabuting paraan naman ginamit ang pera niya pero naunahan siya ng inis kay Nico kaya nagagalit siya.

“Alex Villar ang nakapirma sa likod ng tseke, Erika. Ito ba iyong nagtatrabaho sa Eckstein Drug?”

Tumango ang dalaga at sinabi nang tuluyan kung saan gagamitin ang pera. “Sa mabuting dahilan nauwi ang perang iyon, Nico. Maliban pa sa babayaran din ni Alex iyon sa akin.”

Ilang sandali ring hindi kumibo si Nico at nakatitig lang sa kanya. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. Marahang lumapit ito sa kanya at yumuko. Hinawakan siya sa mukha at itiningala.

“Napakabata mo pa, Erika. Twenty-one… Walang alam sa kalakaran ng mundo,” wika nito at dinampian siya ng halik sa labi. Napakabanayad. Brotherly kiss, tantiya niya. Pagkatapos ay umalis na ito.

The next day ay tumawag si Alex. Tagumpay ang operasyon pero isang linggo pa sa ospital ang nanay nito. Tatawag na lang daw uli. Bago pa niya nasabing gusto niyang dumalaw ay naibaba na nito ang telepono.

Makalipas ang dalawang araw ay muling dumating si Nico at niyakag siyang sumama rito.

“Saan mo ako dadalhin?” aniya nang nasa kotse na sila.

“Ipakikita ko sa iyo ang resulta ng charity work mo,” wika nito.

Hindi na kumibo ang dalaga kahit nagtataka. Sta. Mesa ang tinutungo nila. Bakit dito? Saan sila pupunta?

“Nico, ano’ng…?”

“Mamaya ka na magtanong, Erika.”

Huminto sila sa isang mataong kalye. Ipinarada ni Nico ang kotse niya sa tapat ng isang di-kalumaang apartment. Bumaba ito kasunod si Erika. Kumatok sa pinto. Isang matandang babae ang nagbukas.

“Sino po sila?”

“Dito ba nakatira si Alex Villar?” hindi tanong iyon kundi paniniyak sa pandinig ni Erika. Bakit sila nagpunta rito? Paanong nalaman ni Nico ang bahay ni Alex?

“Ako ang ina ni Alex. Nasa kabilang bahay siya. Sino ba sila?” Pinaglipat-lipat nito ang tingin sa dalawa at sa magarang kotse ng binata na kasalukuyang pinaliligiran ng mga bata.

Magpapakilala sana si Erika pero mahigpit siyang pinisil ni Nico sa braso. “Mga kasamahan niya kami sa trabaho…”

“Ganoon ba? Teka at ako na ang susundo. Ewan ko ba riyan sa batang iyan at may ilang araw nang di-pumapasok. Ganoon siguro talaga ang mga ahente.” At nagpatiuna itong lumakad kasunod ang dalawa.

“W-wala ho ba kayong kamag-anak na naospital?” kinakabahang tanong ni Erika na hindi napigil ni Nico.

Nagtatakang nilingon siya ng matandang babae. “Aba’y wala, ineng. Bakit mo naitanong?”

“W-wala naman ho…” Sunod-sunod na ang kaba sa dibdib ni Erika. Parang nanlalambot ang mga binti niya. Inakbayan siya ni Nico upang alalayan.

Isang maliit na eskinita ang nilikuan nila at isang bahay ang pinasok ng matanda. “Nasa loob si Alex ko at naglalaro ng mahjong…”

“Kami na lang ang papasok at nang masorpresa siya,” awat ni Nico sa matandang babae.

“Ay siya sige, kayo’ng bahala.”

Hinila ng binata si Erika papasok sa malaking bahay. Sa dulo ng sala ay isang mesa ng mga naglalaro. Nakatalikod si Alex sa kanila.

“Ilang araw ka nang mucho , Alex. Mula ka pa kahapon talo pero hindi ka matumba,” ang sabi ng isang kalaro.

Malakas ang tawang isinagot nito. Kilalang-kilala ni Erika ang tawang iyon. “Kayo na ang maging guwapo at mautak. Tiyak, makakakuha rin kayo ng sugar mommy na bukod sa mayaman na ay batang-bata at maganda!”

Nagtawanan ang mga kalaro nito. Nanlamig si Erika sa narinig. At kung hihimatayin siya ay kanina pa siya natumba. Mahigpit ang hawak ni Nico sa braso niya na malakas na umubo. Naglingunan sa kanila ang mga naglalaro.

Hindi kailanman malilimutan ni Erika ang anyo ni Alex nang malingunan siya nito.

“Erika! A-ano’ng…?”

Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil bago pa napigilan ni Nico si Erika ay mabilis itong nakalapit kay Alex at inundayan ito ng isang malakas na sampal.

“Ubusin mo nang lahat na puntahan ang mga drug company sa buong Pilipinas, Villar, pero duda ako kung may mapapasukan ka pa!” ang salitang binitiwan ni Nico sa hindi makakilos na lalaki.

Chapter 8

Ang sumunod na nalaman ni Erika ay ang pagkatanggal ni Alex sa trabaho. Sa impluwensiya ni Nico ay alam niyang mahihirapan na itong makapasok sa alinmang drug company at wala siyang pakialam. He deserved it!

At ngayon na naman!

Ang masakit ay talagang mahal niya si Cholo. Hindi siya nito kinuwartahan. Talaga lang womanizer at dinaya siya sa pagsasabing binata ito. Kay Alex, pride lang niya ang nasaktan. Kay Cholo, pati ang puso niya.

Wala bang lalaking magmamahal sa kanya dahil sa siya ay siya? Hindi dahil maganda siya at mayaman? Oo nga at may pera siya pero hindi siya apo ni Ayala. Nagkataong tulad ng mommy niya ay simpleng buhay lang ang gusto niya. Hindi siya mahilig sa night life, sa social life na sa palagay niya ay paimbabaw lang ang mga batian at ngitian.

Ang sabi nila, ang may pera ay para lang din sa may pera. Sinisikap niyang patunayan sa sariling hindi totoo ito pero bakit hindi umaayon sa kanya ang mga pagkakataon?

Pagod ang puso at isip na umuwi ng bahay si Erika.

PAGPASOK pa lang niya sa gate ay natanaw na niya ang sasakyan ni Nico sa garahe.

Damn the man! bulong niya sa sarili.

Sinalubong siya ni Eloisa. “Nasa garden si Nico anak, sa likod. Hinihintay ka niya dahil hindi ka raw pumasok. Hindi ko naman alam kung saan ka nagpunta.”

“May inasikaso lang ako. Mommy.”

“Tumuloy ka na sa likod, hija, at mag-usap kayo.”

Gusto niyang magpahinga na lang pero hindi niya nais makipagtalo sa mommy niya. Walang kibong nagtungo siya sa likod-bahay. Inabutan niya si Nico na pinanonood ang mga ibon sa malaking hawla.

“Ang sabi ko ay hindi ko na gustong makita ka pa!”

Nilingon siya nito. “Huwag mong sabihin iyan, Erika, dahil tinitiyak kong hindi mangyayari. Besides, I was just worried. Sa nangyari’y baka kung ano ang maisipan mong gawin.”

“Wala akong suicidal tendency, Nico,” sarkastikong sagot niya. “At saka nakapagtatakang hindi mo alam kung saan ako naroroon. Hindi ba’t may binabayaran kang private investigator para subaybayan ang mga kilos ko?”

Huminga nang malalim ang binata. “Nagbayad ako ng private investigator para alamin ang pagkatao ng boyfriend mo, hindi para subaybayan ka.”

Tumawa nang bahaw ang dalaga. “Kasama bang inere-report sa iyo ng PI mo ang mga pinupuntahan namin ni Cholo, Nico? Kung sa opisina nito, sa apartment o sa hotel? Did he take pictures with us in bed?” tuya niya.

“Magpahinga ka na, Erika. You must be tired. Gusto ko lang matiyak na nandito ka na. I know you’re upset.” At akmang tatalikod upang umalis subalit hinawakan ng dalaga ang braso ni Nico.

“Ngayong alam mong may asawa si Cholo, Nico, ano’ng gagawin mo? Ipatatanggal mo ba ang lisensiya ng center niya?”

Huminto ang binata at tumingin sa kanya. “Gusto mong gawin ko iyon?”

“Hindi,” maagap niyang sagot. No harm done. Kasalanan niyang naniwala siya rito. At madadamay ang pamilya nito.

Tuluyan na siyang hinarap ng binata. “Ibabalik ko ang tanong, Erika. Alam mo na ngayong may asawa si Cholo, ano’ng gagawin mo?”

Nagkibit ng balikat ang dalaga at ngumiti nang ubod-tamis. “Dalawang bagay lang naman ang puwede kong pagpilian, hindi ba? Take him or leave him.”

“At alin ang pinili mo?” Sinalubong niya ang tingin nito. Naghahamon ang mga mata niya. “Alam mong mahal ko si Cholo, Nico. Paano kung nang dahil sa pagmamahal kong iyon ay bale-wala sa akin anuman ang katayuan niya sa buhay?”

Nagdilim ang mukha ni Nico. Hinawakan sa batok ang dalaga at itiningala. “Pabababain mo nang ganoon ang pagkatao mo?”

Bagaman nasasaktan sa pagkakahatak ng buhok niya ay hindi ipinahalata ng dalaga. “Shall we say to spite you? Na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya mong manipulahin ang buhay ko. And you have all the means and power to do so. Nasa panig mo ang mommy ko at nakakakilos ka nang kahit ano ang gusto mo dahil sa pera mo!”’

Hinigpitang lalo ng binata ang pagkakahatak sa buhok niya. “Do you hate me that much at wala ka nang pakundangan? Hindi mo ba naiisip ang idudulot nito una na sa Tita Eloisa? Ha, Erika?” Hindi malakas ang boses ni Nico pero apoy ang ibinabadya ng mukha nito.

“So, I can arouse anger in you!”

Lalong nagtagis ang mga bagang ng binata. “Ano ba ang akala mo sa akin, Erika, robot? Kung ang pag-uusapan ay ang mga damdaming napupukaw mo sa akin ay marami! Gusto mong isa-isahin ko sa iyo?”

Hindi sumagot ang dalaga. Nagpalipas ng ilang segundo bago muling nagsalita.

“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, Nico.”

“Everyone has a price, Erika. Kasama na diyan ang boyfriend mo.”

“Damn you, Nico! Damn your money, too!” hiyaw niya.

Huminga nang malalim ang binata. Hinawakan ang sariling batok at pinisil-pisil na tila nananakit. Suddenly, he felt so tired. Mayamaya ay humarap itong muli sa dalaga.

“I am enjoying the luxury and comfort that my money brings, Erika. Needless to say na ikaw rin.” Hinintay ng binatang salungatin niya ang sinasabi nito. Nang hindi siya kumibo ay nagpatuloy ito.

“I work hard for my money, Erika. Your parents and my parents did. At ako, pinaghirapan ko kung sino at ano ako ngayon. Every minute of it! Ginagamit ko ang pera ko sa paraang tama at gusto ko. Hindi kasalanang magkaroon ng pera lalo at galing sa mabuting paraan. At lalong hindi kasalanan ninuman ang maging mahirap. Pero kasalanang magsamantala sa kapwa dahil madaling magtiwala at walang alam sa kalakaran ng mundo ang biktima nila!” Naroon ang galit sa tinig nito sa huling tinuran.

“At hindi mo kilala ang mga ganoong uri ng tao dahil hindi mo sila nakakahalubilo sa pang-araw-araw na buhay. The main reason why I asked you to work in the company ay upang makahalubilo mo ang iba’t ibang uri ng mga tao,” patuloy ng binata.

“Upang huwag akong maging tanga dahil iyon ang pagkakakilala mo sa akin, ganoon ba?” angil niya.

“I will never think of you that way, Erika,” banayad na sagot ng binata. “Hindi mo lang alam pakibagayan ang mundong ginagalawan mo. You’re young, romantic and idealistic. Nagmamadali kang hanapin ang lalaking iibig sa iyo hindi dahil sa pera mo. And you are underestimating your own assets. Maliban pa sa hindi kayamanan o kahirapan ang pamantayan para hanapin ang totoong nagmamahal sa atin. Disin sana’y wala nang mahirap na nadaya ng kapwa mahirap o ng mayamang iniwan ng kapwa mayaman. Money isn’t everything, Erika. Pero napakalaking bagay kung alam mong hawakan.”

Pumalakpak si Erika. “Thanks for preaching, Nico. You really are brilliant! You read me like a book.”

“Hindi mo kailangang maging sarkastiko.”

Mahabang katahimikan. Nag-isip ang dalaga.

“Sa nangyayari, Nico. Lahat ba ng mga lalaking makilala ko at mapaugnay sa akin ay pasusubaybayan mo?” aniya makalipas ang mahabang sandali.

“If necessary.”

Napapikit ang dalaga. Gusto na namang kumawala ng pagtitimpi.

“Do you still want to marry me, Nico?” aniya makalipas ang ilang saglit.

Nilingon siya ng binatang medyo nabigla sa tanong. “Walang dahilan para magbago ang isip ko.”

“Kahit na may… may namagitan na sa amin ni Cholo?” Hindi inaalis ni Erika ang mga mata niya sa mukha ng binata. Nakadama siya ng kasiyahan sa nakitang pagtatagis ng mga bagang nito.

“I’ll marry you, Erika.”

Napawi ang ngiting unti-unting sumilay sa mga labi ng dalaga. “Bale-wala sa iyong nagkaroon ako ng kaugnayan sa ibang lalaki?”

“One man doesn’t matter. Hindi mo kasalanang nagtiwala ka at nadaya,” malamig nitong sagot.

“Bakit… bakit gusto mo akong maging asawa, Nico?”

“Malaking bentaheng tayo ang magka-pangasawahan, Erika. We have an equal share sa kompanya. Kung sa iba ka magpapakasal ay maaaring mahati ang kontrol.”

Itinaas ng dalaga ang ulo. Sinikap panatilihin ang pride. “At least you are being honest. Iyon ang mahalagang dahilan kaya gusto mo akong pakasalan. Kaya ginagawa mo’ng lahat ng paraan upang patunayan sa aking puro maling lalaki ang mga nakatagpo ko.” Huminga nang malalim ang dalaga. “Pera pa rin… and power,” nanlalambot at buong pait niyang sinabi.

“Mali, Erika. My own share is enough para mabuhay ako nang mariwasa for the rest of my life. With my connection and ability I can make it ten times more in just few years. Pero nangako ako sa daddy mo at sa papa ko na mananatili sa pamilya ang kompanyang dugo at pawis ang pinuhunan nila. Have you ever heard of the word ‘maintenance’?”

“I… see,” nanlalambot niyang sagot. “’Napakahusay mong negosyante. Pati pag-aasawa ay tila business contract ang turing mo.”

“Wala akong nakikitang kaibahan sa dalawa, Erika. But would it make you happy kung sasabihin ko sa iyong mahal kita?” mahinang tanong nito.

Nagyuko ng ulo ang dalaga. “H-hindi. Hindi siguro.”

“Magpahinga ka na, Erika. Kami ng Tita Eloisa ang mag-uusap tungkol sa ating kasal. Malibang gusto mong kaharap ka…” Tinantiya nito ang dalaga.

“I couldn’t care less, Nico.‘’ Naroon ang resignation sa tinig ni Erika. It’s no use fighting. Manalo man siya ngayon o bukas, tiyak ang mommy niya at si Nico rin ang masusunod.

At talaga bang payag na siyang makasal dito? Pinaniwala niya si Nico na may namagitan na sa kanila ni Cholo upang saktan ito at upang kalimutan na nito ang hangaring pakasalan siya. Pero taliwas sa inaasahan niya ang nangyari.

Oportunista si Alex. Mandaraya si Cholo. At ano’ng tawag niya kay Nico? A shrewd and honorable businessman with Mega Engineering as the main interest.

Enough of her dreams and fantasies! Sa librong pambata lang iyon. Kung sa bagay, ang dami niyang kilalang ang pag-aasawa ay extension lamang ng kanilang mga kayamanan. Upang huwag mapunta sa outsider ang pera nila ay nag-aasawa ng malayong kamag-anak o di kaya ng kapwa rin may pera. Hindi na bale na kung walang pag-ibig. Anyway, they can have the love of their life as keptwoman!

The hypocrisy of it!

Chapter 9

MAKARAAN ang dalawang linggo ay ikinasal ang dalawa sa isang civil ceremony na dinaluhan ng piling-piling mga kaibigan. Stockholders ng Mega Engineering at the most at ang mga pamilya.

“Now, you really made me happy, Erika.” Si Eloisa nang magkausap sila pagkatapos ng reception. “Now I don’t have to worry about you. Nasa mabuti kang mga kamay.”

“Mom, may gusto akong itanong sa inyo…”

“Go ahead, darling. Ano iyon?” Inalis nito ang bakas ng lipstick sa pisngi ng anak na marahil ay galing sa halik ng isang bumati.

“It’s… it’s personal…” Nag-alangan si Erika.

“And I might not give you an honest answer?” Ngumiti si Eloisa. “Ask away, Erika. Hindi ako magsisinungaling.”

“I know you loved Daddy. Si… si… Uncle Fred, did you love him, too?”

“Oo, hija. Siguro dahil maraming mga katangian si Fred na tulad din ng sa daddy mo plus the fact that Fred was really a good man. I loved him, yes. I still do.” May bakas ang tinig nito ng lungkot.

“Kung wala kang pag-ibig kay Uncle Fred, papayag ka pa rin bang makasal kayo noon?”

“Siguro. Una, hindi na ako bata para bigyang-timbang ang ganoong emosyon. Hindi masamang tao si Fred. Anybody would have welcomed him. And at that point in time, mas tamang isipin ang praktikalidad at kapakanan ng mga taong nakapaligid sa iyo. Pero mapalad nga ako dahil mahal ako ni Fred at mahal ko rin siya.”

“Thanks, Mom. Yes, I guess you’re just lucky.”

Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang lumapit si Nico.

“Time to go, honey.”

SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon ay narating ni Erika ang bahay ni Nico sa Tagaytay. Overlooking the lake ang pagkakayari nito.

Nasa covered terrace siya at tinatanaw ang Taal Lake. Nakadama siya ng kapanatagan sa katahimikan at kagandahan ng paligid.

“Nagustuhan mo ba ang view?” Si Nico na lumapit sa kanya.

“Maraming beses ko nang nakita ang Taal volcano at lake pero hindi ko pinagsasawaang pagmasdan,” aniya nang hindi lumilingon.

“Ako rin. Ang klima at tanawin ay balsamo sa akin lalo na kung pagod ang puso ko’t isip…” Mula sa likod ay hinawakan nito ang magkabilang balikat niya.

“Hindi ko alam na dito ka umuuwi araw-araw, Nico.” Sinikap niyang bale-walain ang pagkakadikit ng likod niya sa dibdib ng asawa.

“Marami kang hindi nalalaman tungkol sa akin, Erika.”

“Hindi ka nahihirapan sa biyahe?” kaswal pa rin niyang tanong kahit nararamdaman niyang marahang hinahaplos ni Nico ang mga balikat niya.

“Pinadali ng Coastal Road.” Nang hagkan nito ang mga balikat niya ay napakislot si Erika. Marahang kumawala.

“I… ilan ang silid ng bahay na ito, Nico?”

“Anim. Apat dito sa itaas. Dalawa sa basement ang library at gym.” Ang basement na tinutukoy ni Nico ay ang kinalalagyan na rin ng living room, dining at kitchen. May foyer sa itaas na siyang entrance at bababa ka ng hagdan patungo roon. Aug mga silid-tulugan ay nasa itaas na siyang kinalalagyan nila ngayon.

At sa dulo ng terrace ay may winding stairs patungo sa swimming pool sa ibaba. Hindi niya kailangang itanong, ang mahusay nilang architect sa kompanya ang nag-design ng bahay at ang Mega Engineering din ang nag-construct.

“Aling silid ang sa akin?” walang anumang tanong niya.

’This is the master’s bedroom, honey.“

“You don’t expect me to share a bed with you considering the reasons behind this marriage?” angil niya.

“Anuman ang dahilan ng pagpapakasal natin, Erika, ay mag-asawa na tayo. We’ll share the same bedroom.” Naroon ang kislap sa mga mata nito.

Tumawa si Erika. “Mali ka sa pagkakataong ito, Nico. Surely, hindi mo ako gustong makatalik lalo’t alam mong wala akong pag-ibig sa iyo?”

“Matututuhan mo rin akong mahalin, Erika, paglipas ng mga araw. ’Pag lubusan na nating kilala ang isa’t isa.” Naroon ang pag-asa sa tinig ni Nico.

“Ikaw, Nico, matututuhan mo rin ba akong mahalin?”

Hindi agad sumagot ang binata. Tumitig sa kanya. “Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa iyong mahal kita, Erika?”

“Hindi. Maliwanag ang dahilang sinabi mo sa akin. Do not sugarcoat it by telling me lies just to get me into your bed,” mariing sagot niya. “Gusto kong magkahiwalay tayo ng kuwarto, Nico.”

“Hindi ako papayag, Erika,” determinadong sagot ni Nico na lumapit sa kanya at kinabig siya payakap. Iniharang niya ang mga braso at itinulak ito. “Asawa na kita at karapatan kong hingin ang akin.”

“Huwag, Nico. Kung ipipilit mo ang gusto mo ay wala marahil akong magagawa dahil malakas ka sa akin. But every time you touch me, isisigaw ng isip ko si Cholo! Mukha niya ang kikintal sa isip ko!”

Kung mayroon mang mabisang panlaban si Erika ay pinakamabisa ang sinabi niya. Nagtagis ang mga bagang na binitiwan siya ng asawa.

“Take this room, akin ang kabila. We share the terrace!”

“Hindi. Kuwarto mo ito kaya dito ka. Doon ako sa kabila.” Pagkasabi niyon ay binaybay niya ang terasa patungo sa kabilang silid.

Nanalo siya sa unang round. Pero hanggang kailan? Ibinagsak niya ang sarili sa kama at iginala ang paningin sa kabuuan ng silid. Maliit ito kaysa sa kabila pero parehong maganda at maaliwalas.

Ipinikit ni Erika ang mga mata. Hindi niya gustong isipin ang bukas. Gusto niyang i-hypnotize ang sarili para walang maging laman ang isip. Kahit man lamang sa araw ng kasal niya ay makalma siya. Cease-fire, at least.

Chapter 10

Nang sumunod na araw ay ipinasyal siya ni Nico sa paligid ng Tagaytay.

“Ngayon lang kita nakitang nakamaong at T-shirt,” komento niya sa asawa.

Natawa si Nico. “Erika, alangan namang mag-coat and tie ako gayong namamasyal tayo.”

Hindi sumagot si Erika. Tinitingnan lang ang asawa nang palihim. At naisip niyang hunk si Cholo. Oo naman. But her husband was sexier, she thought so. Nakaputing Giordano T-shirt at maong na ang sikip na kung wariin niya ay nakayakap na sa mga hita at binti ni Nico.

Sa buong araw na iyon ay nag-enjoy si Erika. Nag-horseback riding sila at pagkatapos magsawa ay naglaro ng golf. Walang bolahan sa bahagi ni Nico na hindi sinisikap na i-please siya. Nag-uusap sila—minsan nakakatawa, minsan, pormal at seryoso. All came naturally.

Hindi siya nagkaroon ng ganitong karanasan sa unang dalawang naging boyfriend. Si Alex, halos sa lahat ng pagkakataon ay sinisikap na paluguran at purihin siya. At ngayon niya na-realize na sinikap ni Alex na maging over-romantic sa kanya. Si Cholo naman ay bihira na ang sandaling hindi ito nakaangkla. Nakayakap, nakahalik at kung ano-anong mga endearment para sa kanya.

Hindi niya itinatangging nakikita niya sa mga mata ni Nico ang desire para sa kanya. Was it sex or was it something else? Hindi niya tukoy.

Nananghalian sila sa isang kubol malapit sa lake. At ang nakakatuwa, iminungkahi ni Nico na magbaon sila ng pananghalian. Ngayon ay sino ang mag-aakalang naroon sila at kahalubilo ng mga ordinaryong tao.

“Hindi ka ba nabagot? Inubos ko ang oras mo sa pagdedetalye tungkol sa kompanya?” wika nito habang kumakain na sila. Binabalatan nito ang isang sugpo at inilapag sa pinggan niya na parang walang anuman.

“Aba hindi. Baka nga ikaw. Sa halip na pahingahin mo ang isip mo pansamantala sa trabaho ay napagkuwento pa kita.”

“I don’t mind, Erika. You own part of Mega Engineering and as such, dapat na matutuhan mo ang pakaliwa’t pakanan nito.”

“Kayang-kaya mo iyon. Nico. May tiwala ako sa iyo at ang Mommy.”

Tumaas ang kilay ng lalaki. “Hindi ko alam na nagtitiwala ka sa kaaway?”

Kahit papaano ay nangiti si Erika. “I dislike you, all right, and that’s personal. Pero pagdating sa kompanya, tulad ng Mommy, nagtitiwala ako sa iyo.‘’

“Iyan ang kauna-unahang papuring tinanggap ko mula sa iyo. Salamat.”

Sincere si Nico sa pagpapasalamat na iyon pero iba ang dating sa pandinig ni Erika. Hindi niya gustong manuya pero nang magsalita siya ay iyon ang tonong lumabas sa bibig niya.

“Nakakasiguro ka na ng boto ko sa annual meeting plus dati nang sa iyo ang sa Mommy. You have total control of Mega Engineering, Nico.”

So, there, nasira niya ang masasayang sandali nilang dalawa. Pumormal si Nico.

“’You’re not really very consistent. Ang dahilan kaya ka nagagalit sa akin ay sinabi mo ngayong siya ring dahilan kung bakit ka nagtitiwala sa akin?”

“Tama, Nico. Pero ang pinag-uusapan natin ay ang kompanya. Hindi ako kabilang sa dapat mong pamahalaan. Na kung hindi ka nagkakamali sa mga desisyon mo sa kompanya ay hindi rin sa akin. My, Nico… ang tingin ko ba ay ginagawa mong diyos ang sarili mo.”

“Interpretasyon mo iyon, Erika. I didn’t claim to be infallible. Inilagay mo iyan sa isip mo na kung bakit ay ewan ko. Marami akong insecurities, Erika. I have my own fears also.”

“Ikaw? Never. Huwag mo akong patawanin, Nico,” paismid niyang sinabi.

Sumandal ang binata sa upuang kawayan. Tumingin sa ibaba ng lake. “Stiff ang competition sa engineering and construction business, Erika. Para manalo sa bidding, hindi lang koneksiyon ang kailangan. Ako ang nasa likod ng maraming utak na gumagana sa kompanya, totoo iyon. My decision counts. But what if I fail?” Bumaling ito sa asawa.

“You can never fail, Nico.” Hindi siya nanunuya sa pagkakataong iyon. Tinitiyak niya iyon sa harap ng asawa. Kung bakit, hindi rin niya alam.

Huminga nang malalim si Nico. Tipid na ngumiti. “Hindi ako diyos, Erika, tulad ng sinasabi mo. Maaari akong magkamali. Nakita ko ang isang estabilisadong kompanya na sa isang kisap-mata ay bumagsak. Kung mangyayari iyon, Erika, paano ang libo-libong taong umaasa sa Mega Engineering? Marami akong nakitang kompanya na nagre-retrench. Hindi siguro biglang mangyayari ang sinasabi ko pero ang posibilidad ng retrenchment ay naroon. At ayokong gawin iyon. Erika, maliban sa mga contract employees sa project. My heart bleeds for these people dahil may pamilya silang binubuhay.”

“Na… nangyari na ba sa atin iyon?” hindi niya maunawaan kung bakit gusto niyang abutin ang asawa at alisin ang inseguridad at lungkot sa mukha nito.

“Yes. Mga mid-eighties, ang Daddy pa ang namamahala. For political reason, na-ban ang equipment importation and at that time na nasa turmoil ang bansa ay walang nakatitiyak kung kailan mapapawalang-bisa ang ban. Trainee pa lang ako noon sa kompanya at nakita ko na parang death certificate ang iniaabot na notice ng personnel sa mga na-retrench.”

Hindi nakakibo si Erika. Hindi niya alam iyon… Hindi niya naramdaman. Buong buhay niya ay pinoprotektahan siya ng perang minsan ay sinisisi niya bilang sanhi ng miseries niya. Habang tinitingnan niya ang asawa, alam niyang bukod sa tiwala ay ibinigay na rin niya ang respeto para dito.

Makalipas ang ilang sandaling katahimikan ay muli siyang tiningnan ni Nico. Ginagap nito ang isa niyang kamay.

“At natatakot din ako, Erika. Natatakot ako na baka hindi ka maging maligaya sa piling ko… na baka hindi mo ako matutuhang mahalin…”

Napatikhim siya. Walang maisagot. Marahang hinila ang kamay mula sa pagkakahawak ng asawa.

“Because that would be a failure on your part. At hindi mo gustong mabigo o makaranas ng kabiguan…” aniya pagkatapos makabawi sa pagkailang. Oh dear, hindi niya gustong sabihin iyon. Pero hindi niya gustong matangay emotionally pagdating sa kanilang dalawa.

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Nico. Tumayo siya at sinamsam ang mga Tupperware na siya nilang pinaglagyan ng pagkain.

“T-tayo nang umuwi, Nico,” yakag niya habang nilalagay sa basket ang mga plastic ware at iniiwasang mapatingin sa asawa.

Chapter 11

NAGISING ng umagang iyon si Erika na nangangaligkig sa ginaw. Hindi bukas ang air-conditioner pero talagang napakalamig ng hanging pumapasok sa bukas na bintana. Tumayo siya upang isara ang mga ito at muling bumalik sa pagtulog pero nagbago ang isip nang masilip ang makapal na fog na kahit sa terrace ay umabot. Isinuot niya ang terry robe at lumabas sa terasa.

Hindi niya matanaw sa ibaba ang volcano at lake sa kapal ng fog. Huminga siya nang malalim upang samyuhin ang sariwang hangin nang magulantang sa malakas na pag-splash ng tubig mula sa pool.

Sino ang nagsu-swimming sa ganito kalamig na umaga? Binaybay niya ang terrace hanggang sa dulo ng winding stairs at sumungaw.

Si Nico. Nag-dive marahil at ngayon ay pabalik-balik na lumalangoy. Nakikita niya ang galaw ng mga muscle nito sa braso at likod habang lumalangoy. Nanatili siyang nakamasid. Pagkatapos ng ilang laps ay umahon ito at kinuha ang tuwalya sa upuan at nagtuyo ng mukha.

Napahinto sa paghinga si Erika. Kauna-unahang nakita niya ang asawa na hubad maliban sa suot nitong sexy trunks. Naitago ni Nico ang magandang katawan nito sa coat and tie, sa polo shirt at slacks! Gee! Isang impersonation ni Clark sa Lois & Clark ? Minus the eyeglasses.

Nakikita niya ang maninipis na balahibo nito sa dibdib. A nude man is an art. Pero kahit sa panaginip ay hindi niya akalaing Nico could qualify. He could have posed for a maestro.

“How about a swim?” tingala ni Nico sa kanya sa pagkabigla niya. Kanina pa ba nito alam na pinanonood niya ito? Gusto niyang umatras papasok sa loob pero huli na para gawin niya iyon.

“A-ayoko. Malamig.”

“’Pag nasa tubig ka na, hindi na. Halika na…” nakangiting anyaya nito. Minsan man ay hindi niya naisip na irresistible ang ngiti nito. Bakit ngayon?

Nag-alanganin si Erika. Kapag tumanggi siya ay iisipin nitong sadya siyang naninilip. Samantalang kung pagbibigyan niya ito ay maaari nitong isiping tinatantiya lang niya ang tubig kaya siya nakadungaw.

Bumalik siya sa loob at hinugot ang isang one-piece bathing suit. Hinubad ang pantulog at isinuot ang pampaligo. Tiningnan ang sarili sa salamin at napangiti siya. Naturingang one-piece pero just a little bit decent kaysa sa bikini niya.

“Gorgeous!” bulalas ni Nico nang makababa siya. “Kay gandang simulan ang araw sa isang magandang tanawin. Itinago ng fog ang volcano at lake but you compensated for that.”

Namula si Erika. Iyon ang kauna-unahang deretsong papuring narinig niya mula kay Nico. Hindi niya alam kung paano gagawi o sasagot. Sanay na siyang papurihan pero kapag iyong manggagaling sa asawa ay naiilang siya. Sa halip ay bigla siyang lumusong sa tubig at nangaligkig sa lamig pagkatapos.

Natawa si Nico at sumunod. Mabilis siyang lumangoy patungo sa kabilang bahagi ng pool para iwasan ang asawa. Mas mahusay at mabilis itong lumangoy kaysa sa kanya at inabutan siya.

Hinawakan nito ang binti niya. Kung hindi niya naisip na magmumukha siyang gaga ay nagpumiglas na siya. Nahinto sila sa malalim na bahagi ng pool at hawak-hawak siya ni Nico sa baywang.

“A-akala ko ay tapos ka nang lumangoy…” Sinisikap niyang maging kalmante.

“The truth is, nagsisimula pa lang ako,” masuyong sagot nito at hinapit na siya nang husto.

Hindi abot ni Erika ang bottom ng pool kaya hinayaan niyang nakayakap ang asawa sa kanya.

“Bit… bitiwan mo ako. Giginawin ako ’pag hindi ako lumangoy.”

“With my arms around you?” tukso nito.

Iniharang ni Erika ang mga braso sa pagitan nilang dalawa. At sa halip na maglagay ng distansiya sa kanilang dalawa ay lalo lang napasama. Kinikiliti ng mga balahibo ni Nico sa dibdib ang braso niya. Oh, dear!

Nakita niya na bumaba ang ulo ni Nico upang hagkan siya at sa halip na umiwas ay bahagya pa siyang tumingala upang salubungin ang halik nito. Mula sa dibdib ni Nico ay tumaas sa leeg nito ang mga kamay niya at ginantihan niya ang mga halik ng asawa.

Napaungol si Nico sa ginawa niya at lalo pang naging mapaghanap ang mga halik nito. Tila mauubusan na siya ng oxygen pero hindi huminto sa paghalik ang asawa. At kung bakit hindi rin niya gustong huminto ito ay ewan niya. Pinagbuhol-buhol ni Nico ang emosyon niya.

Nagagalit siya rito, hindi ba? Isa sa mga dahilan kaya nagpakasal siya rito ay dahil sa kawalang pag-asa sa dalawang bigong love affairs niya. At si Nico ang sinisisi niya gayong tanggapin man niya o hindi ay ginawan pa siya nito ng mabuti.

Nagmulat siya ng mga mata upang itulak ang asawa pero sa halip ay nagpadagdag sa init na nararamdaman niya ang anyo nito sa marubdob na paghalik sa kanya. Ang nakapikit nitong mga mata… ang basang buhok…

Hinaplos niya ng dalawang kamay ang mukha ng asawa. Napaungol si Nico sa ginawa niya. Lalong nag-apoy ang mga halik nito. At sa pakiramdam niya ay kumukulo ang tubig sa paligid nila sa apoy na inilalabas ng kanyang katawan.

Bakit siya nagpapaubaya? Bakit hindi siya tumatanggi? Mahal niya si Cholo at sa panahong nagniniig sila ay hindi pa nangyaring hindi siya nagbigay ng reserbasyon. Lagi na ay binibigyan niya ng hangganan ang pagtatalik nila.

Pero bakit kay Nico ay hindi niya gustong awatin ito? Nasaan na ang resistance at reservations niya. Kung aangkinin siya ng asawa sa sandaling ito ay natitiyak niyang papayag siya at hindi tatanggi bahagya man.

May kinalaman ba ang matrimonya ng kasal sa nararamdaman niya? At kung moralidad ang pag-uusapan ay malinis ang konsensiya niya dahil asawa niya ito? Kaya ba malaya nitong napupukaw ang damdamin niya?

Nang lumubog sa tubig si Nico ay kasabay nitong hinila pababa ang strap ng bathing suit niya. Muntik na siyang mapasigaw nang maramdaman ang mga labi nito sa kanyang tiyan. Sa pagtingala niya ay nahagip niya ang screen door.

“Nico!” aniya bagaman alam niyang hindi siya naririnig nito. Buong lakas niyang hinawakan ang braso nito at pilit hinihila paibabaw. Naramdaman ni Nico ang mahigpit niyang paghawak sa braso nito at umahon ito.

“Bakit…?”

Nilingon niya ang pinto at sumunod ng tingin ang asawa. Lumitaw ang katulong na may hawak na tray ng umuusok na kape. Hinatak ni Erika ang bathing suit paitaas at inayos ang sarili.

“Sshh…” Si Nico. “Sesesantihin ko ang katulong na iyan. Ipaalala mo!”

Napangiti si Erika sa birong iyon at mabilis na lumangoy pakabila. Lihim siyang nagpasalamat sa paglabas ng katulong. Kung nagkataon ay napaka-unusual ng first time niya. Sa swimming pool! How uncomfortable!

Mabilis siyang umahon at walang lingon-likod na pumanhik uli sa winding stairs patungo sa silid niya. Sa banyo siya nagtuloy at naligo. Ano ba ang nararamdaman niya para kay Nico? Bakit hanggang ngayon ay nasa katawan pa niya ang init nito? Hindi kayang alisin ng malamig na tubig mula sa shower.

Paglabas niya ng banyo ay nakita niya sa glass door ang asawa at papasok sa silid niya. Nakabihis na ito ng puting T-shirt at puting shorts. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa buhol ng tuwalya sa dibdib niya.

“H-hindi pa ako nakabihis…”

“So?”

“Maaari bang lumabas ka muna…”

“Erika, halos hubad ka na kanina sa pool. So what difference does it make?” Lumapit ito sa kanya, sinuklay ng daliri ang basa niyang buhok. Napaatras siya.

“Please… Nico. Nag-usap na tayo tungkol diyan, ’di ba?”

“Ano ang tawag sa ginawa mo kanina, Erika?” Gusto nitong magalit.

“I… iba iyon. It came naturally…”

“I could make it happen again,” paniniyak nito.

“Please, Nico.” Naroon ang determinasyon sa tinig niya.

“Ang sabi ko sa sarili ko ay kilalang-kilala kita. I really thought so. Pero may mga pagkakataong naiisip kong hindi talaga. At isa ito sa mga pagkakataong iyon. Tulad ng sinabi ko sa iyo, napakadali mong magpalit ng mood, Erika. Dual personality. Kanina sa pool, you were so warm and passionate sa lovemaking ko sa iyo. Ngayon, cold and reserved!”

“Ang sabi ko’y iba iyon, Nico.”

“Walang kaibahan, Erika. Patutunayan ko sa iyo.” Mabilis itong lumapit sa asawa at hinila sa braso.

“Bitiwan mo ako, Nico. Kaya ganoon iyon dahil nasa isip ko si Cholo!” ang lumabas sa bibig niya sa pag-iwas.

Kung mayroon siyang pinakamabisang panlaban ay iyon. Parang binuhusan ng malamig na tubig si Nico. Kung nakamamatay ang tingin ay tumumba na si Erika.

“Hihintayin kita sa dining room for breakfast.” Tila may apoy na lumalabas sa mga mata nito dahil sa galit.

Sa maghapong iyon ay nanatili sa silid niya si Erika. Nagdahilan sa asawang gusto niyang magpahinga dahil masama ang pakiramdam. Hindi naman na nag-usisa si Nico at sa halip ay nagkulong sa library at nakipag-ugnayan sa opisina thru phone calls.

Marahil kung hindi lang sa sasabihin ng mga empleyado ay minabuti na siguro ni Nico na pumasok. Naturingang nasa honeymoon sila pero hindi na ma-consummate ang marriage.

Si Erika ay pinag-iisipang mabuti ang nangyayari. Kinakapa ang sariling damdamin. Sa mga provocation na ibinibigay niya sa asawa mula pa noong hindi pa man sila nakakasal ay hindi siya pinapatulan nito. Maliban na lamang noong nagpahiwatig siyang makisama kay Cholo kahit may-asawa ito.

At nitong mga huling araw na magkasama sila ni Nico ay maraming mga bagay siyang natutuhan sa sarili. Tulad halimbawa ng hindi na siya gaanong nagagalit kay Nico. Na masaya at matalinong kausap ang asawa. That Nico was a selfless man na sa cool façade na iyon, ang iniisip ay ang kapakanan ng ibang mga tao. That Nico was quite a respectable man. At sa iilang araw na magkasama sila ay hindi siya makadama minsan man na mali ang naging desisyon na pakasal dito out of spite.

At bakit paiiralin niya ang pride para lang patuloy na makipagbanggaan dito at gawin niyang miserable ang buhay nilang dalawa? Wala mang pag-ibig sa pagitan nilang dalawa, at least, magagawa niyang maging maayos ang pagsasama nila bilang mag-asawa. Tulad nga ng sinabi nito, maaaring matutuhan nilang mahalin ang isa’t isa. Or maybe Nico already cared for her a little dahil sabi nga nito ay baka hindi siya maging maligaya sa piling nito. At kinatatakutan nitong mangyari iyon. Basta walang third party na involved, marahil ay kaya na niyang humakbang nang unti-unti patungo sa ikabubuti ng pagsasama nila.

Chapter 12

Natapos ang isang linggong honeymoon leave nilang dalawa. At sa loob ng mga panahong iyon ay sinikap ni Erika na maging civilized at normal ang pakikitungo sa asawa. At napuna niyang hindi naman pala mahirap gawin.

“Maaga kang aalis?” tanong niya nang makitang nakabihis na ito nang bumaba siya sa dining.

“May meeting ako ng alas-diyes. Itinawag ito ng sekretarya ko noong isang linggo pa,” sagot nito sa pagitan ng pag-inom ng kape.

“Sana ginising mo ako para sabay tayong pumasok.” Hinila niya ang isang silya, naupo at nagsalin ng kape.

Ngumiti si Nico. “Hindi ko maipapangako sa iyo na mapapanatili ko ang self-control kung malalapit ako sa iyo sa kama.”

Pinamulahan ng mukha si Erika. Sa lahat ng bagay na sinisikap niyang ituwid ay iyon ang hindi pa siya handa.

“Anyway huwag kang magmadali. Kung ako ang tatanungin mo, Erika, mas gusto kong manatili ka na lang dito sa bahay. Kaya lang, hindi ko naman gustong pigilin ang pagnanais mong umunlad at palawakin pa ang kaalaman mo.”

“Well maybe hangga’t wala pa tayong anak ay sa opisina muna ako.” Huli na para bawiin iyon at bago pa niya natapos ay namula na siya. Bakit niya nasabi iyon?

Ngumiti si Nico. Nanunuksong ngiti. “Definitely I want us to have children, Erika. Kasama iyon sa mga plano ko. Pareho tayong nag-iisang anak at malungkot ang kabataan ko. Pero hindi ba mas mabuting baitang-baitang muna?”

Hindi niya kayang salubungin ang titig nito. Kung puwede nga lang siyang maglaho sa pagkapahiya.

“H-hindi ko alam kung bakit ko nasabi iyon. Huwag mong gawan ng issue.”

Sandali lang siyang tinitigan ng asawa. Pagkatapos ay tumayo na ito at dinampot ang attaché case.

“Am I allowed to give you a good-bye kiss?” Magkahalong pag-asam at panunukso ang nasa tinig nito.

“Nagtataka ako kung bakit mo itinatanong. You have kissed me often enough without asking,” medyo pagalit niyang sabi.

Marahang tumawa si Nico at yumuko. Wala sa loob na itinaas ni Erika ang pisngi. Lumapad ang ngiti ng asawa, hinawakan siya sa baba at itinaas ang mukha.

“Kahit parehong maputi na ang mga buhok natin sa labi pa rin kita gustong hagkan.” Ginawaran siya nito ng halik sa mga labi. A little more than gentle. “They’re soft and sweet tulad ng umaga.” Pagkatapos ay banayad na tinapik ang pisngi niya.

“See you in the office…”

SA MAGHAPONG iyon ay hindi nagkita ang dalawa maliban sa tawag sa telepono sa tanghali upang sabihing hindi niya ito makakasabay sa pananghalian dahil hindi makaalis sa meeting. Naintindihan iyon ni Erika dahil isang linggong wala sa opisina ang asawa.

Bago mag-alas-singko ay tumawag uli ito. “Honey, gagabihin ako rito. Gusto mo bang umuwi sa Mommy at susunduin na lang kita roon mamaya?” tanong nito sa pagod na tinig.

“Mauuna na akong uuwi sa… sa atin.” Nahihiya siyang bigkasin ang “atin” at narinig niyang marahang tumawa ang asawa. “Better get used to it,” sabi nito.

“Dadaan lang ako sa grocery. Ano’ng gusto mong ipaluto ko?”

Muling tumawa ang asawa sa kabilang linya. “I like that question. One week of being married and you sound like a typical housewife…” ang tukso nito.

Napikon si Erika at ibinaba ang telepono. Muling nag-ring iyon makalipas ang ilang sandali. Dinampot niya ang kabilang linya at kinausap ang telephone operator.

“Tina, sino ang nasa linya?”

“’Ma’am, si Sir po…”

“Sagutin mo at sabihin mong bumaba na ako.” Ibinaba niya ang telepono pagkatapos ay pinagsisihan ang ginawa. Nakakahiya sa mga empleyado. Isang linggo pa lang silang nakakasal ay baka isipin ng mga itong nag-aaway na sila.

Gabi na nang umuwi si Nico. Sa silid niya ito nagtuloy. Huminto sa tapat ng pinto at sumandal sa hamba. Nakasabit ang coat sa balikat.

“Sorry, honey, ang tagal natapos ng meeting…” Pagod na pagod ang hitsura nito.

“No problem. Maghahanda ako ng pagkain…” Akma siyang lalabas pero hinarang ni Nico ang paglabas niya.

“Kumain ka na ba?” tanong nito.

“W-well, yes,” pagsisinungaling niya. Hinihintay niya ito at gusto niyang sabay silang kumain.

“Kung ganoon ay tara nang matulog.” Isinara nito ang pinto sa pamamagitan ng binti. Inihagis ang coat sa settee. Naupo sa paanan ng kama at nagtanggal ng sapatos.

“Nico, huwag mong sabihing dito ka matutulog?”

Hindi ito sumagot at nagpatuloy sa paghuhubad hanggang sa briefs. Hindi malaman ni Erika ang gagawin. Magaganap ba sa gabing ito ang una nilang pagtatalik? Tatanggi ba siya? Paano siya magre-react nang hindi siya magmumukhang interesado?

“All right, doon ako sa silid mo.” Akma siyang lalabas pero hinawakan ni Nico ang braso niya at hinila pabalik.

“Erika, please. I promise to be good. Gusto kong matulog dito sa tabi mo. Gusto kong matulog nang kayakap ka… hold you… that’s all.” Nahiga na ito at hinila siya. Nawalan siya ng panimbang at kasama siyang natumba sa ibabaw ng kama.

Niyakap siya at hinagkan sa buhok… sa likod ng tainga… “Hmm… I have always liked your smell. You’re sweet.”

Natensiyon si Erika. Hindi alam ang sasabihin at gagawin.

“H-hindi ka pa ba naghahapunan?” ang nasabi niya.

“Sa sandaling ito, honey, mas nanaisin kong matulog na lang. Sa pagod ko sa buong maghapon ay hindi ko siguro matitingnan man lang ang maganda kong asawa. Even if she strips in front of me.”

Isiniksik nito ang mukha sa leeg niya at banayad na hinahalik-halikan. Pagkatapos ay kinabig ang mukha niya at siniil siya ng halik sa mga labi. Sandaling natigilan si Erika pero hindi niya mapigilan ang sarili na hindi matangay sa ginagawa ni Nico. And when she gently nipped his mouth ay hindi kumilos si Nico. Tulog na ito!

Huminga nang pagkalalim-lalim si Erika. At may kung ilang minuto ring nanatili sa ganoong ayos dahil hindi niya gustong magising ang asawa. Makalipas ang mahabang sandali ay marahan at maingat siyang kumawala mula rito. Subalit umungol si Nico at lalong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.

Minabuti niyang manatiling nakayakap at nakadikit dito. Tumingala siya at pinagmasdan ang mukha ng asawa. Kung anuman ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon ay hindi niya kayang bigyan ng pangalan. Maingat niyang hinaplos ang mukha ng asawa.

Sa pagtulog ay hindi na ito ang Nico na kinaiinisan niya. Ang Nico na hindi nagkakamali, ang matalinong businessman, ang makina. Tila ito batang nakasiksik sa kanya. Sa sandaling iyon ay gusto niya itong yakapin nang buong higpit at ipaghele.

Sa ganoong ayos at pag-iisip siya nakatulog.

Chapter 13

NANG magising si Erika ay nag-iisa na lang siya sa kama. Tiningnan niya ang alarm clock sa tabi ng night lamp. Alas-otso pasado. Mabilis siyang tumayo at nagbihis. Hustong binuksan niya ang pinto ay si Nico ang nabungaran niya. Nakapaligo at nakabihis na ito.

“Good morning,” nakangiting bati nito. “Tinulugan ba kita?”

Ngumiti siya. Ang kauna-unahang ginawa niya mula nang makilala niya ito. “Don’t worry, walang makakaalam…” tukso niya.

Bahagyang nagulat ang lalaki. Kinabig siya. “I’ll make it up tonight…”

Marahang tango ang isinagot niya. Mamaya ay sasabihin na niya sa asawa niyang walang nangyari sa kanila ni Cholo.

“Gusto kitang isabay, honey, pero male-late ako sa meeting ngayon. Hindi ko naman kayang gisingin ka. Tulog na tulog ka.” Nakahawak ito sa baywang niya at pababa sila patungo sa dining.

“Hindi naman ako late riser pero mula nang dumating ako rito sa Tagaytay, napakahimbing ko nang matulog ngayon,” aniya na hindi niya namamalayan ay nakakapit na rin siya sa baywang ng asawa.

“Dahil sa klima. Plus the fact na walang maipipintas sa akin ang asawa ko. Hanggang ngayon ay hindi ko maisip ang pagkakataong sinayang ko kagabi. Imagine, tinulugan kita!” eksaheradong wika nito.

Ngumiti lang siya at hanggang sa makapag-almusal at makaalis si Nico ay hindi makapaniwala si Erika. Nag-uusap sila nang normal ng asawa niya. Walang tensiyon, walang panunuya mula sa kanya at walang galit. At nagagalak siya sa nangyari.

KASALUKUYANG may luncheon engagement si Nico kaya umuwi sa mansiyon si Erika at doon nananghalian. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataong makausap at madalaw ang mommy niya. Natutuwa siyang malamang nagkaroon ng libangan si Eloisa. Nag-aalaga ito ng bonsai at orchids.

“Doon ka muna sa Tagaytay, Mom. Tiyak na magugustuhan mo roon.”

“Natitiyak ko. Pero huwag ngayon, hija. Kasalukuyan kayong nasa honeymoon stage ni Nico. Saka na lang. Next month perhaps,” tanggi ni Eloisa habang nasa harap sila ng mesa at kumakain.

“Tiyakin mo iyan, Mom. Malapit na lang ang Batangas. Then maaari tayong mag-beach.”

“Kung sa bagay, matagal na akong hindi nakakapag-out of town. Maybe that is a good idea.”

Alas-dos na nang iparada niya ang kotse sa parking space sa building ng Mega Engineering. Palakad na siya papasok nang may bumusina. Nang lingunin niya ay ang kotse ni Cholo. Iiwas sana siya pero nagbukas ito ng salamin at sumungaw.

“Erika, please… sandali lang…”

“Ano’ng kailangan mo sa akin, Cholo?”

“Gusto kong humingi ng sorry, Erika. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa iyo. Gusto ko lang malaman mo na pinagsisisihan ko ang mga nagawa ko.”

“Kalimutan mo na iyon, Cholo at nalimutan ko na rin. May asawa na ako.”

“Alam ko. Nahagip ko sa isang column sa society page. Natutuwa ako para sa iyo, Erika. But believe me, minahal kitang talaga…”

“Ano’ng gusto mong palabasin, Cholo?” pormal niyang tanong.

“Sa dami ng babae, Erika, para sa akin, they will come and go. Pero sa iyo ay totoong may tumubong damdamin na kinatatakutan ko. I could have made you mine kung talagang ginusto ko noon pa. Oh, I wanted you, desired you. Pero natakot ako sa magiging consequences sa simula. Baka hindi ko makayang mawala ka sa akin. Natakot ako sa damdaming iyon dahil laan iyon para sa pamilya ko. And I’m glad, really glad na bago nahuli ang lahat ay…” Hindi nito itinuloy ang sasabihin. Umiling-iling.

“Kalimutan mo na iyon, Cholo. Pinatawad na kita.”

“Can we be friends, Erika? Please, no monkey business. If you’ll say yes, maiibsan ang guilt ko.” Naroon ang sincerity sa tinig nito. Inilahad nito ang kamay sa kanya.

Inabot niya ito at kinamayan. “Friends, Cholo.”

“No more hard feelings?” paniniguro ng lalaki.

“No hard feelings…”

“Thanks, Erika.” Binawi nito ang kamay at isinara na ang bintana. Pagkatapos ay pinatakbo na nito ang sasakyan. Nang muling lumakad si Erika patungo sa building ay nasa tagilirang parking space si Nico sa may di-kalayuan.

“Nico?” Kanina pa ba ito roon?

Hindi kumibo ang asawa. Nagpatiunang maglakad pabalik sa building. Kasunod si Erika. Sila lang dalawa sa elevator.

“How’s your meeting?” kaswal niyang tanong.

“Ano’ng kailangan sa iyo ng lalaking iyon. Erika?” mahinahong tanong ni Nico bagaman bakas ang galit sa tinig. “O baka tamang tanong ang kung saan kayo nanggaling?”

Napatinging bigla sa asawa si Erika. “Sa parking space lang kami nagkita, Nico. Pababa ako ng kotse ko galing sa Mommy. Nag-usap lang kami. That’s all,” paliwanag niya.

“Gusto ko lang ipaalala sa iyong may asawa ka na, Erika,” mariing sagot nito.

Nagpanting ang tainga ni Erika sa tono ng boses nito. Bakit ipinahihiwatig ng tinig nito na may ginawa siyang masama?

“Alam kong may asawa na ako, Nico. Kahit sandali ay hindi ko nalilimutan iyon. Na ikaw ang napangasawa ko, si Mr. Nicholas Romero, the mighty!” pagalit niyang sagot.

Hustong bumukas ang elevator at hindi na nagsalita si Nico. Hinawakan siya nito sa braso at sabay silang pumasok sa loob.

Hindi maintindihan si Erika kung bakit ang umaga nilang nagsimulang maganda ay nauwi sa angilan. Ano ba ang dapat niyang ipaliwanag?

Hatinggabi nang dumating ang asawa at tuloy-tuloy ito sa silid nito. Alam niyang may namamagitang tensiyon sa kanila. Nararamdaman niyang galit pa rin ang asawa. Mag-uumaga na nang siya ay makatulog. At nang magising siya ay wala na ang asawa.

Sa opisina ay inabutan niyang nagdidikta ito sa sekretarya.

“’Gusto kitang makausap,” aniya at sinulyapan ang sekretarya na agad namang lumabas.

Nagsalubong ang mga kilay ni Nico at sumandal sa swivel chair. “Sit down, Erika. Ano’ng pag-uusapan natin?” pormal nitong tanong na lalong ikinainis ni Erika.

“Hindi ako kliyente o business associate, Nico. Huwag mo akong pakitaan ng ganyan!”

Hindi sumagot ang asawa at nakatingin lang sa kanya.

“Nagagalit ka ba sa akin?” mahinahon niyang tanong.

Huminga nang malalim ang lalaki. “Nakita kong magkahawak-kamay kayo, Erika. At nasa company premises kayo. Ano ang sasabihin ng mga empleyado?”

“Meaning, I could hold hands with Cholo huwag lang sa premises ng Mega Engineering?” patuya niyang tanong.

Nagdilim ang mukha ni Nico. “Alam kong naintindihan mo ako, Erika. And please, importante ang sulat na idinidikta ko sa sekretarya. Ipapadala iyon sa Public Works ngayon.”

“Alin ba ang mas importante, Nico? Ang business letter mo o tayo?” aniya na marahang tumayo. Napuna niya ang mga linya sa ilalim ng mga mata ng asawa. Tulad niya ay napuyat din marahil ito.

“I’m glad that you considered us important. Erika,‘’ matabang nitong sagot.

“Please, kinamayan lang niya ako. Humingi ng tawad sa ginawa niya. Alam niyang may asawa na ako,” pilit pa rin niyang paliwanag. Bakit bumaligtad ang pangyayari at siya ngayon ang nagsusumamo?

At bakit kailangang maging importante sa kanya ang maniwala si Nico.

Nag-ring ang intercom at dinampot ni Nico. Incoming call mula sa importanteng kliyente. “Sa bahay na natin pag-usapan iyan, Erika.” Dinampot nito ang telepono.

Marahan siyang tumango. “Sabay ba tayong uuwi mamaya?”

“May kausap ako sa Highways mamayang hapon. Hintayin mo na lang ako sa Mommy ’pag hindi pa ako dumating ng alas-singko.”

PASADO alas-singko na nang bumaba ng building si Erika. Nagdaan muna siya sa grocery at namili ng ilang kailangan. Paglabas niya ay nabunggo siya ng isang babaeng nagmamadaling kumaway ng taxi subalit may laman naman pala.

“Oopps… sorry! Miss Barrientos!”

“Mrs. Alejo, ikaw pala!”“ Sinulyapan niya ang tatlong grocery bags sa tabi ng batang babae ang panganay nito.

“Pasensiya ka na kung nabunggo kita. Halos isang oras na kami dito pero hindi pa kami makasakay.”

Ngumiti si Erika. Wala na ang pait sa dibdib niya nang una niya itong makita. “May asawa na ako. Mrs. Alejo. Mrs. Romero na ako ngayon. But you can call me, Erika.”

“Larisa… Larisa naman ako.” Marahang tumawa ito. “Masyado tayong naging pormal.”

“Saan ba kayo pupunta? Baka maaari ko kayong maidaan sa lugar na kung saan mapapadali ang pagtawag ninyo ng taxi? Suweldo ngayon kaya ganyan karami ang tao at natitiyak kong talagang hindi kayo agad makakasakay “

“Sa center. Hihintayin kami ni Cholo roon. Katunayan ay naroon ang bunso ko.”’

“Maidadaan ko kayo doon. Pupunta ako sa Mommy at doon mismo ang daan ko.”

“Hindi ba nakakahiya sa iyo?”

“Wala iyon. Halina kayong mag-ina.” Itinuro niya ang pinaradahan ng kotse niya. Dalawang beses binalikan ni Mrs. Alejo ang mga dala nito.

Pagdating sa center ay tinulungan na niyang ipasok ang mga grocery bag ni Mrs. Alejo dahil busy ang security guard sa pagta-traffic ng isang customer na pumapasok.

Pabalik na siya sa kotse nang siya namang pagdaan ng Land Cruiser ni Nico na marahil ay patungo sa mommy niya. Sandali itong huminto at nilingon siya. Hindi niya kayang ipaliwanag ang ibinabadya ng mukha ng asawa. Kinawayan niya ito pero mabilis nang pinatakbo nito ang sasakyan.

Nanlambot na napailing si Erika. Kung magbiro minsan ang pagkakataon.

Chapter 14

Hindi dumating sa mansiyon si Nico at hanggang sa makauwi si Erika sa Tagaytay ay wala pa rin ang asawa. Nanatili siyang gising upang hintayin ito. Ala-una pasado nang madaling-araw nang tumanggap siya ng tawag sa telepono.

“Yes… si Mrs. Romero ito… Ano? S-saan ho siya dinala?” Mga pulis at ibinalita sa kanyang nasa Makati Medicai Center si Nico. Nabangga ang Land Cruiser nito sa isang poste dahil sa pag-iwas sa isa pang sasakyan.

Nanginginig ang mga kamay na tinawagan ni Erika si Eloisa. Pagkatapos ay halos liparin niya ang ospital sa bilis ng takbo ng kotse niya.

Naroon na si Eloisa nang makarating siya. Mabilis siyang yumakap sa ina.

“Mommy! Si Nico!”

“Calm down, hija. Nasa operating room na si Nico. Nasa loob si Dr. Matias, ang family surgeon natin.” console ni Eloisa sa anak.

“Gusto ko siyang makausap, Mommy. Gusto kong matiyak na ligtas siya!” naghi-hysteria niyang sinabi.

“Mga espesyalista ang kasama ng asawa mo sa loob, Erika. Wala tayong magagawa kundi ang manalangin.” Hinila nito ang anak sa isang sofa at naupo sila.

Walang naging internal damage sa ulo ni Nico bagaman may dalawang sugat ito roon na may ilang stitches din. Naka-cast ang dibdib nito dahil sa ilang fractured ribs pero walang internal damage. Subalit may benda ang mga mata nito.

Dalawang araw bago nakausap ni Erika ang asawa. Polite ito kapag kaharap si Eloisa at ang ibang dumadalaw subalit kapag sila na lang dalawa ay ipinagtatabuyan siya nito.

“Bakit hindi mo ipaubaya sa mga private nurse ang pag-aalaga sa akin, Erika?” Walang galit sa tinig ni Nico pero sa pag-iigting ng mga bagang nito ay alam niyang namumuhi ito sa kanya. Ayon sa ilang kaibigang kasama ni Nico bago mangyari ang aksidente ay hindi ito sumama sa kanilang i-treat ang ilang mga tao sa Highways sa night club. Subalit gayun na lang ang gulat nila nang makalipas ang ilang oras ay dumating si Nico at ito pa mismo ang nagyayang uminom pa sila.

Alam nilang hindi umiinom nang ganoon si Nico subalit hindi noong gabing iyon. Tinanong pa nga siya ng vice president ng Mega Engineering, si Melchor na siya ring tumayong sponsor nila sa kasal kung nagkagalit silang mag-asawa. Itinanggi ni Erika sa mga ito na may alam siya sa paglalasing ni Nico na siyang naging sanhi ng aksidente nito.

“Nico, please, kahit ipagtabuyan mo ako ay hindi kita iiwan,” mahina niyang sagot. Naluluha na siya sa inaasal ng asawa sa kanya. Hindi siya nito sinisigawan pero mas masakit ang cold treatment.

“Hindi ko alam kung bakit ganyan na lamang ang concern mo sa akin ngayon. You don’t have to feel guilty, Erika.”

“There’s no reason to feel guilty, Nico. Ilang beses ko nang ipinaliwanag sa iyo kung bakit ako naroon pero ayaw mong maniwala.”

“At nagtataka ako kung bakit kailangang magpaliwanag ka, Erika, gayong hindi naman ako nagtatanong.”

Hindi nakakibo si Erika. Mahigit dalawang linggo na si Nico sa ospital pero minsan man ay hindi nito inungkat ang tungkol sa kung bakit naroon siya sa center.

“Oh, Nico, ano ang gusto mong gawin ko upang maalis sa isip mo ang alinlangan? Hindi ka nga nagtatanong pero ang mga sinasabi mo o ikinikilos mo sa akin ay sapat-sapat na para ipamukha mo sa akin na may kasalanan ako sa iyo.”

“Ang tanging hiling ko, Erika, maging maingat ka na huwag makarating sa ibang tao ang mga ginagawa mo. Hindi ko gustong mapagtawanan ng kapwa ko,‘’ matigas nitong sabi.

Nanlupaypay si Erika. Nasasaktan siya hindi para sa sarili kundi sa paghihirap na alam niyang nadarama ni Nico aminin man nito o hindi.

Anumang pakita ang ibinibigay nito sa kanya ay hindi pinansin ni Erika. Halos doon na sa ospital siya nakatira. Nasa private suite si Nico at naroon na halos ang pangangailangan nila.

Ayaw man niya ay nagtatrabaho sa ospital si Nico bagaman may benda ang mga mata.

“Nico, bakit hindi mo ipaubaya sa mga tao ang ginagawa mo. Hindi ka pa magaling at sa isang linggo pa tatanggalin ang cast mo sa dibdib…” pakiusap niya.

“Bulag lang ako, Erika, pero matino ang isip ko. You can start reading to me that contract…”

“Nagagalit ka sa akin pero hindi ko maintindihan kung bakit nagtitiwala kang ako ang pumirma at bumasa para sa iyo,” aniya. Ipinagkaloob sa kanya ni Nico ang power of attorney to sign on his behalf sa lahat ng mga pertinent paper na may kinalaman sa kompanya.

“If I go, Erika, you go. At alam kong hindi mo pahihintulutang mangyari iyon. Sa kabila ng ginawa mo, you are still your father’s daughter. Kahit paano ay may halaga sa iyo ang pinaghirapan niya.”

“Doon… doon sa sinabi mong… bulag ka, Nico. Alam mong pansamantala lang iyan. Sinabi ng eye specialist mo na naapektuhan nang bahagya ang optic nerve mo sanhi ng pagkabagok ng ulo mo sa salamin. Pero makakakita ka uli.”

“Spare me with that bullshit, Erika! Lahat ng doktor hanggang maaari ay pinagaganda ang sinasabi pero iyon din ang kauuwian!” wika nito na nagtaas ng boses.

“Naniniwala ako sa kanya. Dahil iyon din ang sinabi niya sa amin ng Mommy. Kaibigan ni Dr. Matias ang eye specialist mo, Nico. Temporary lang ang loss of sight mo.” Akma siyang nagtaas ng kamay upang haplusin ang mukha ng asawa pero hindi niya itinuloy. Lalo lang iyong magdaragdag sa sama ng loob ni Nico. Sa buong panahon nito sa ospital ay hindi ito nagpakita kahit bahagyang weakness.

“Sige na, Erika. Basahin mo ang kontratang hawak mo,” utos nito.

Kahit paano ay nakadarama na ng kasiyahan si Erika. Kailangan siya ni Nico. Pansamantala ay siya ang nagiging mga mata nito. At alam niyang hanggang magkasama sila ay wala nang mahalaga pang iba.

Chapter 15

MATAPOS matanggal ang cast sa dibdib ni Nico ay umuwi na sila. Tinanggal na rin ang benda sa mga mata pero hindi pa rin ito nakakakita.

“Nico, oras na para pag-inom mo ng gamot…” ani Erika na may hawak na baso ng tubig at isang medicine dispenser na kung saan ay may dalawang tableta. Isa para sa mata at ang isa ay antibiotics para sa tuluyang paggaling ng mga sugat nito sa katawan. Subalit hindi tumitinag si Nico na nasa terrace. Tahimik itong nakatanaw sa lake kahit walang nakikita.

“Please, Nico. Kailangan mo ang mga gamot na ito. Para makakita kang muli nang madali,” pakiusap ni Erika.

“Iwanan mo sa mesa ang gamot at lumabas ka na, Erika,” sagot nito pero hindi pa rin lumilingon.

“Hindi ako lalabas hangga’t hindi mo iniinom ang gamot mo. Kagabi ay hindi mo ininom ang naiwan ko,” matigas niyang sabi.

Marahang tawa ang isinagot nito. “Why the excessive concern, Erika? O baka naman lason ang ipinaiinom mo sa akin para unti-unti na akong mamatay nang sa ganoon ay libre na kayo ng lalaki mo!”

Nanlaki ang mga mata ni Erika. Iyon ang kauna-unahang akusasyon na binitiwan ni Nico para sa kanya. At naeskandalo siya sa sinabi nito.

“Lalaki! Nico, that’s going over the line! Hindi ko pinahihintulutang pagsalitaan mo ako ng ganyan!” aniya na sa galit ay sumigaw.

Lumakas ang tawa ng lalaki. “I missed that, Erika. Naninibago ako sa pagiging maamo mo nitong nagdaang mga linggo.”

“Napakaimposible mo! Inumin mo ang gamot mo and I will leave you in peace,” pagalit pa rin niyang sabi.

Humakbang ito papasok sa silid ngunit nasabit ang paa nito sa daanan ng sliding door. Bago pa nakakilos si Erika ay bumagsak ang asawa sa carpet.

“Nico!” Mabilis siyang lumuhod sa carpet upang alalayan ito.

“Lumayo ka sa akin, Erika. Bulag lang ako at hindi lumpo.” Itinulak siya ng asawa. “Huwag mo akong pakitaan ng awa mo!” Tumayo ito at tinungo ang kama.

“Hindi ako naaawa sa iyo, Nicholas Romero!” ganting hiyaw niya at unti-unting tumayo. “Sa lahat ng tao sa lupa ay ikaw ang kahuli-hulihang pag-uukulan ko ng awa. With all your damned money, you can always go to the States para magpaopera kung sakali ngang hindi ka makakakita. Kaya ako narito ay dahil obligasyon ko iyon bilang asawa mo!”

“Very well said!” patuyang sagot nito. “Kasama ba sa obligasyong sinasabi mo ang pagkakaloob mo sa akin ng iyong sarili bilang asawa ko, Erika? And now?” Ilang sandali muna ang pinalipas ni Erika bago marahang sumagot.

“May… may diperensiya ang dibdib mo, Nico…”

“Ako ang nakakaalam n’on! Sagutin mo ang tanong ko!”

“Kung… kung… gusto mo at kung… kung… kung kaya mo.”

Bahaw na tumawa si Nico. “Kung gusto mo? Matagal ko nang gusto, Erika, pero ipinagkakait mo iyon sa akin. Ikaw, gusto mo?”

“Y-yes,” maiksi niyang sagot na kung nakikita lang ni Nico ay namula ang mukha niya.

“At sasabihin mong hindi ka naaawa sa akin?” Tumalim ang mga mata nito. “Pagbibigyan mo ako to ease your guilt. At habang nakikipagtalik ako sa iyo ay ibang lalaki ang nasa isip mo?”

Napaiyak na si Erika. Hindi sa sinasabi nito sa kanya kundi sa nakikita niyang pait sa mukha nito. Papaano ba niya mapapaniwala ito? Maliban pa sa nagsinungaling na siya rito tungkol sa kanila ni Cholo sa umpisa pa lang.

“N-Nico… maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa iyong walang nangyari sa amin ni Cholo?” aniya na pigil ang paghikbi.

“Lumabas ka na, Erika. Iwan mo ako. At huwag mong alalahanin ang gamot ko. Iinumin ko iyan dahil hindi ko gustong manatili sa ganitong kalagayan,” malamig nitong sabi.

Walang kibong lumabas ng silid si Erika. Nagsisikip ang dibdib.

Naiwang nag-iisip si Nico. Hindi niya gustong manatili sa silid ang asawa. Masamyo lang niya ito ay sapat na upang mawala siya sa sarili. Lalo na ngayong bale-wala rito kahit madikit man ito sa kanya. Pero hindi niya kayang bale-walain ang ginawa nito. Kalahati ng isip niya ay gustong maniwala sa sinasabi ni Erika pero ang kalahati ay nilalason ang bahaging iyon. Kung hindi sana nagkaroon ng kaugnayan ang dalawa. Kung hindi sana nito lantarang inaming mahal nito si Cholo… na ito ang laging laman ng isip ni Erika. At ano’ng malay niya kung talagang nag-usap ang mga itong magkikita?

At siya, ano ba ang nangyayari sa kanya? Naroong bahagyang makaaninag, naroong lumabo uli ang paningin niya. Kanina, kaya siya humakbang papasok ay dahil naaaninag niya ang asawa pagkatapos ay parang nag-ulap at muling dumilim uli ang lahat.

Sa kaibuturan ng dibdib niya ay naroon ang takot. Paano kung hindi na nga siya muling makakita? Sarisari ang nararamdaman niya. Takot na maaaring tuluyan na siyang mabulag, galit at panibugho sa kakaisip sa muling pagkikita nina Erika at Cholo.

Chapter 16

PATULOY sa paglipas ang mga araw na mahirap pakibagayan si Nico. Linggo ng umaga ay nagising si Erika sa malakas na pagbagsak ng kung ano mula sa silid ng asawa. Mabilis siyang lumipat sa silid nito.

“Nico, ano’ng…”

Nakaupo ito sa may paanan ng kama at sapo ang ulo. Nagsabog sa sahig ang mga laman ng tokador. Iyon marahil ang narinig niya na tiyak niyang sadyang tinabig ng asawa.

Nilapitan niya ang asawa at lumuhod sa may paanan ng kama. “Ano’ng nangyari?” banayad niyang tanong.

Hindi sumagot si Nico. Sa halip ay marahas nitong itinayo si Erika at siniil ng halik sa mga labi. “Erika…”

Bagaman marahas at mariin ang halik na iyon ay nagpaubaya si Erika. Kahit nasasaktan siya ay gumanti ng halik.

Hinablot ni Nico ang pantulog niya at siniil ng halik sa mga balikat at leeg. Pati ang pagdama nito sa dibdib niya ay marahas at napaigtad si Erika sa bahagyang sakit. Ganoon pa man ay hindi niya mapigilan ang hindi makadama ng sensasyon sa ginagawa ng asawa. Nagulat pa siya nang bigla itong huminto.

“Nico, bakit?”

“Get out, Erika. Get out!”

Natilihan si Erika. Hindi niya maunawaan ang nangyayari. Nararamdaman niya ang kainitan at kasukdulan ng pagnanasa ng asawa pero bakit sinisikap nitong pigilin ang sarili gayong nakahanda siyang magbigay? Nang sa ganoon ay maituwid na rin niya ang mga kasinungalingang ipinaniwala niya rito.

“A-alam kong kailangan mo ako, Nico. Nandito ako,” bulong niya.

“Alam ko ang dahilan ng pagpapaubaya mo, Erika.” Naroon ang pait sa tinig nito.

“Walang ibang dahilan kundi dahil gusto ko,” marahang sagot niya.

“Nalilito ako sa iyo. Ginugulo mo lang lalo ang isip ko. Nitong mga unang araw ng pagsasama natin ay ganoon na lamang ang pagnanais kong ma-consummate ang marriage natin pero nilinaw mo sa aking hindi. Pero hindi ako nawalan ng pag-asa. Sa pool ay natiyak kong handa kang ipagkaloob ang sarili sa akin right then and there kung hindi tayo naabala. Nang sumunod ako sa silid mo ay bigla mong ipinamukha sa aking kaya ka nagpaubaya ay dahil ang boyfriend mo ang iniisip mong katalik mo! Alam mo ba kung gaano kasakit iyon, Erika? Alam mo ba? That while I was making love with my wife, she was thinking of someone else!”

Halos madurog ang puso ni Erika sa nakikitang anyo ng asawa. “At nitong maaksidente ako ay halos ipagsiksikan mo ang sarili mo sa akin. Kay raming sandaling gusto kitang angkinin tulad ngayon. Pero sa tuwing papasok sa isip ko ang sinabi mo ay tila ito yelong humahaplos sa katauhan ko gaano man katindi ang pangangailangan ko.”’

Huminga nang malalim si Erika. “Alam kong marami akong pagkukulang sa iyo, Nico. And I’m sorry about it. Hindi ba tayo maaaring magsimula uli?” Nakikiusap ang tinig niya.

“Asawa kita, Erika, at mananatili kang asawa ko!” matigas nitong sabi. “Anuman ang ginawa mo ay hindi ko sinasarhan ang puso ko sa posibilidad na iyon. I have so much faith in this marriage. I want you, Erika! I need you so much that I ached inside. Pero gusto kong makakita. Gusto kong makita ang mukha mo when I make love to you. Gusto kong tiyaking ako ang nakikita mo at hindi ibang lalaki!”

“Tiniyak ng doktor na muling magbabalik ang paningin mo, Nico. Hihintayin ko ang sandaling iyon.” Even if it takes forever, dagdag niya sa sarili.

Chapter 17

NANG hapong iyon ay niyakag ni Erika si Nico na bumaba sa pool. Pumayag ito at naisipang maglangoy. Hindi nagtagal ay dumating ang ilang empleyado na dumalaw kay Nico. Nagkaroon ng munting picnic sa poolside.

Iniwan ni Erika ang asawa sa piling ng mga nagkakatuwaang empleyado at pumanhik sa silid nito upang ihanda ang tuyong bihisan nito. Iyon ang unang pagkakataong nabuksan niya ang closet nito. Kung sa bagay, mula nang makasal sila ay mas mahaba pa ang itinigil niya sa ospital kaysa sa bahay.

Binuksan niya ang unang drawer sa pag-aakalang naroon ang briefs nito. Sa halip ay mga papeles ang naroon. Nakilala niya ang nasa ibabaw bilang ang marriage contract nilang dalawa. Inangat niya ito nang matuunan ng pansin ang isang picture frame na nakataob. Maingat niya itong dinampot at bumulaga sa kanya ang larawang kilalang-kilala niya.

Siya! Noong graduation niya sa elementary! Ganito ba siya ka-cute noong maliit pa siya? Wala sa loob na napangiti si Erika. Nang biglang maisip kung bakit naroon sa drawer ni Nico ang litrato niya noong dose anyos pa lamang siya. Wala siyang natatandaang dinala niya ito.

Muli niyang sinipat ang picture frame. Naalala niyang kasama ito sa mga family picture na naka-display sa isang antique table sa family room ng mansiyon. Bakit nandito ito? Maingat niyang ibinalik ang larawan sa drawer at muling ipinatong ang marriage contract nila.

Pagkatapos ay dinampot ang telepono sa ibabaw ng night table. Tatawagan niya si Eloisa.

“Hello, Mommy…”

“Erika? Napatawag ka? May problema ba?”

“Wala, Mommy. May gusto lang akong itanong sa inyo.”

“Tungkol saan, hija?”

“’Ma, naalala mo ba iyong photograph ko noong graduation ko sa elementary? Ikaw pa nga ang kumuha n’on, eh. Iyon bang nasa family room.”

Sandali lang nag-isip si Eloisa. “Oh, yes. Naaalala ko na. Matagal nang wala rito iyon, hija.”

“I know, Mom. Nandito. Nakita ko sa drawer ni Nico.”

“Why of course. Hiningi sa akin ng asawa mo iyan a long, long time ago. That was before he left for the States para mag-master’s.”

Hindi makapaniwala si Erika sa narinig. “Hiningi sa inyo ni Nico ang litrato kong iyon ten years ago? Mommy, bakit daw?” Para na niyang nakikita ang pagkibit ng balikat ni Eloisa.

“Hija, nandiyan ang asawa mo. Bakit hindi siya ang tanungin mo?”

“S-sure… I’ll call you back, Mom. Bye.’” Palaisipan iyon sa kanya. Ano ang dahilan ni Nico at hiningi nito ang litrato niya noong maliit pa siya?

Tatanungin niya ito mamaya.

Chapter 18

Madilim na halos nang magsialis ang mga empleyado at nalimutan na rin ni Erika ang tungkol sa litrato.

Nasa silid na niya siya at nagbabasa-basa ng libro nang maalala iyon. Mabilis siyang lumipat sa silid ng asawa. Sa terrace siya nagdaan at bukas pa ang ilaw nito. Kinatok niya ang glass door at tuloy na ring pumasok.

Nakahiga na si Nico na ang tanging suot ay ang pang-ibabang pajama. Nakapikit ito at nakapatong sa ulo ang isang braso. Marahan siyang lumapit sa may paanan ng kama.

“Gising ka pa, Nico?”

“May kailangan ka, Erika?” sagot nito nang hindi nagbubukas ng mga mata. Anyway, hindi naman ito nakakakita.

Sandaling hindi sumagot si Erika. Pinag-iisipang mabuti kung ano ang sasabihin at gagawin. Hindi lang siya magtatanong, kailangang kalagin niya ngayong gabi ang kasinungalingang ipinaniwala niya sa asawa. Kahit ipagmakaawa niya ang sarili.

Nagmulat ng mga mata si Nico nang hindi sumagot si Erika.

“Bakit ka narito, Erika?”

“May itatanong ako, Nico,” sagot niya na hinubad ang terry robe at hinayaang bumagsak sa sahig. Naiwan ang manipis niyang pang-ilalim. Hindi niya kayang gawin ito kung nakakakita si Nico. Pero biglang kinabahan si Erika. Kasabay ng pagbagsak ng terry robe niya sa sahig ay ang paniningkit ng mga mata ni Nico.

Nakikita ba siya nito? Ang imahinasyon niya talaga. Naupo siya sa gilid ng kama at narinig ang paghugot ng hininga ng asawa.

“Ano ang itatanong mo sa akin, Erika? Hindi ba puwedeng ipagpabukas iyan? Gusto ko nang magpahinga.” Malamig ang tinig na iyon at tila bagot na bagot.

Gusto nang mawalan ng pag-asa ni Erika. Pero kailangang gawin niya ito. “Bakit hiningi mo sa Mommy ang litrato ko noong twelve years old pa lang ako, Nico?”

Sandali lang ang pagkabiglang gumuhit sa mukha nito. Kumurap ang mga mata nito at huminga nang malalim.

“Gusto kong marinig ang totoong dahilan, Nico.” Nakikiusap ang tinig niya.

Tumingin sa kisame si Nico. Kung anuman ang nakikita roon ay hindi matiyak ni Erika.

“I… I loved that little girl when I first saw her. Aalis ako noon patungong Amerika. I could not take her with me so I took the picture instead.”

Nag-iinit ang mga sulok ng mga mata ni Erika. All along, all these years ay minahal siya ni Nico. Hindi niya kayang ipaliwanag ang nadarama.

“So you love that little girl. Kung hindi ako nagkakamali, twenty-two ka noon…” Sandaling tinitigan ni Erika ang asawa na nakatingin din sa kanya. Nakakakita na ba ito? Napapailing siya.

“Ano ang nangyari sa twenty-two-year-old boy na umibig sa twelve-year-old girl?” muli niyang tanong.

“Sa kabila ng milya-milyang layo sa kanya, sa kabila ng madalang niya itong nakikita, lumalim nang lumalim ang pag-ibig na iyon sa paglipas ng mga taon.”

“Sa kabila ng mga pangyayari… sa mga di-mabilang na pagkakamali ng batang iyon nang lumaki na ito at nagkaisip, nanatili mo bang mahal ito?” Hindi niya maialis ang hindi kabahan at ang pagsisikip ng dibdib sa pagpipigil na huwag mapaiyak.

“Panahon ang nagpalago sa pag-ibig na iyon, Erika. Ten long years at hindi kayang bunutin gustuhin ko man.” Kalungkutan ang nasa tinig nito.

Tumingala si Erika upang pigilin ang pagpatak ng luha. Nang muli niyang tingnan ang asawa ay nagsalubong ang mga kilay nito na tila nagtatanong.

“M-maaari ko bang hingin ang gabing ito, Nico?” Halos hindi niya makilala ang sariling tinig.

“Ano’ng ibig mong sabihin, Erika?”

“Let me have tonight, Nico.” Malakas lang nang bahagya sa bulong ang tinig niya. “Make love to me, please…”

Nanunuot sa kalamnan ni Nico ang tinig ng asawa. They were not even touching pero pakiramdam niya ay hinahaplos ng tinig nito ang buong pagkatao niya.

“Alam mo ba kung ano ang hinihingi mo sa akin. Erika?”

“Love me, Nico, and with no reservations. Wala kang ibang iisipin kundi ako. And I promise to think of no one but you… only you.” Hangin ang nagdala ng pagsusumamong iyon sa pandinig ni Nico.

“Erika, Oh Erika!” Hinila niya ito patungo sa dibdib niya. Marahas na siniil ng halik. Sa buhok, sa noo, sa mga mata, sa pisngi, sa mga labi. Kasabay niyon ay ang pagbaba niya ng strap ng nightgown ng asawa mula sa mga balikat nito.

Hinahaplos niya ang mukha ni Erika… nilalaro ng mga daliri ang buhok pero nananatiling sinisiil niya ito ng halik. Teasing… caressing… nipping… Ang mga labi nito ay kay tamis tulad ng isang hamog. So soft and warm tulad ng isang bagong umaga.

Nalulunod si Erika sa paulit-ulit na pagbulong ni Nico sa kanyang pangalan. Parang mumunting apoy na gumagapang sa kalamnan niya. At naliligalig siya sa mga balahibo nito sa dibdib.

Walang gentleness sa ginagawa ni Nico sa kanya. Sumusugat ang mga labi nito sa kanya. Pero hindi niya alam that a kiss could be so painful and at the same time so sweet. Parang alak na nakalalasing. Ang marahas na paraang iyon ay lalo lamang tila gatong sa katawan niyang nagbabaga.

Ang mga kamay nito na malayang naglalakbay sa katawan niya ay nagdudulot ng nagra-riot na sensasyon. Ang mga labi ni Nico sa dibdib niya ay torture.

Walang bahagi ng katawan niya ang hindi dinaanan ng mga labi ni Nico. The tip of her fingers… her wrists… her arms… lahat, walang nilaktawan. Hinahagkan siya nito mula ulo hanggang paa at muli ay bumabalik sa mga labi niya.

Hindi niya inaasahan ang ganitong uri ng lovemaking mula kay Nico. Ang cold and controlled man sa labas was a tiger in bed!

At lalong hindi niya mapaniwalaan ang sariling katawan! Ang masidhi at nag-aapoy niyang pagtugon! Nico’s wild lovemaking ignited fire in her. Apoy na hindi niya alam na nasa kanya…na tanging ang asawa lang ang maaaring magsindi.

At nang inaakala niyang mapupugto na ang hininga niya sa sweet torment na iyon ay inangkin siya ni Nico. At nagulat ito nang maramdamang hindi malayang makararaan. Nag-atubili ito kasabay ng pagtataka.

“Nasasaktan ka?”

“No. Oh, Nico, please don’t stop!” At siya na mismo ang sumalubong.

“Oh, Erika… honey…” And then he was so gentle, considerate, patient and loving.

Paimpit na napasigaw si Erika. In pain… in ecstasy!

Nauna niyang narating ang dulo ng dako pa roon… kasunod si Nico na ibinubulong ang pangalan niya.

May kung ilang minuto ring nakasubsob sa dibdib niya si Nico bago ito nag-angat ng ulo at masuyong tumitig sa kanya. Pinahid ng kamay niya ang pawis sa mukha nito.

“Please stay inside me for a while…” bulong ni Erika nang magtangkang tumagilid ang asawa.

Napangiti si Nico. Dinampian ng halik ang tungki ng ilong niya. “You won’t be able to take my weight.”

Humiga na ito pero hindi inaalis ang pagkakayakap sa asawa.

“I’m afraid to pull away, alam mo ba iyon? Baka kasi hindi mo na makita ang daan pabalik. Baka nananaginip lang ako at bigla kang maglaho,” masuyo at seryosong wika ni Nico.

“I’ll show you the way back home,” nahihiyang sagot ni Erika.

Muli siyang dinampian nito ng halik sa mga labi. “Nag-uusap pa lang tayo kanina ay nakita ko nang umiiyak ka. Gusto ko nang bumangon at ikulong ka sa mga bisig ko.”

“Na… nakakakita ka na?”

“Kanina pang umaga.”

“Bakit hindi mo sinabi sa akin?”

“Maraming beses nang nakakaaninag ako pero muling bumabalik sa dilim ang paningin ko. Kanina ay natakot akong baka panandalian lang. Malinaw ko nang nakita ang sarili ko sa salamin pagkatapos ay muling lumabo.”

“Kaya tinabig mo ang laman ng tokador?”

Tumango si Nico. Nilalaro ang likod niya ng daliri nito. “Kanina sa pool ay tuluyang luminaw ang paningin ko.”

Hindi maikakaila ang galak sa mukha ni Erika na namula nang maalala ang ginawa. “Halos pigilin ko ang paghinga ko kanina when you stripped off your robe,‘’ tukso ni Nico.

Hindi sumagot si Erika. Sa halip ay nilaro-laro ang balahibo sa dibdib ng asawa.

“Nasaktan kita kanina?” Naroon ang tenderness sa tinig ni Nico.

“Bahagya lang. You were so gentle.”

“Hindi sa simula. Gusto kong durugin ka ng mga bisig ko… ng mga labi ko.” Naroon pa rin ang kasidhian sa sinasabi nito.

“You excited me,” nahihiyang pag-amin ni Erika.

“I know. You responded to my lovemaking the way I wanted you to.” Hinaplos nito ang pisngi ng asawa. “Kayo ni Cholo, hindi kayo kailanman…”

“Only you,” agap ni Erika.

“Ginulo at pinahirapan mo ang isip ko sa kasinungalingang iyon. Why?”

“I hated you for manipulating my life. I hated you for asking me to marry you dahil alam mong wala akong magagawa ’pag sinabi ng Mommy. Naisip ko na kung malaman mong may nangyari na sa amin ni Cholo ay titigilan mo na ang panghihimasok sa buhay ko. Na hindi mo na ako gustong pakasalan.”

Hinigpitan nito ang pagkakayakap sa asawa. “I’ve loved you long enough para maging dahilan iyon upang hindi ka pakasalan. Ikaw ang lahat sa buhay ko, Erika. May mga babaeng dumating at nagdaan … dito… sa Amerika. But there is only you. Nang sabihin mong may nangyari na sa inyo ni Cholo ay gusto ko siyang patayin! Sinisisi ko ang sarili ko dahil napabayaan kita. Handa akong magparaya, Erika, kahit ikamatay ko kung karapat-dapat ang lalaking natagpuan mo.”

“Lately, I realized na walang karapat-dapat sa akin kundi ikaw. Tanging ikaw. Pero nakagawa na muna ako ng maraming pagkakamali bago ko natuklasan sa sarili kong hindi ako mabubuhay nang wala ka. Ang isa sa mga dahilan kung bakit pumayag na akong pakasal sa iyo ay upang maranasan mo ang sama ng loob ko nang mawala si Cholo. Kung magkakaroon ka ng asawang ni hindi mo maangkin.” Marahan siyang natawa. “But not for long. Iilang araw pa lang tayong magkasama, I surrendered to your charm already.”

Tumikhim si Nico at seryosong nagtanong. “May natitira ka pa bang pagtingin kay Cholo, Erika?”

Umiling siya. “Matagal nang wala, Nico. Nasaktan ako nang malaman ko na niloko niya ako at hindi magkakaroon ng katuparan ang mga pangarap namin. Pero halos mamatay ako nang malaman kong naaksidente ka. I have never known such pain existed.”

“Oh, honey… At halos ipagtabuyan kita sa ospital.” Naroon ang regret sa tinig nito at masuyong dinampian ng halik ang asawa sa ulo.

“Kasalanan ko. At hindi rin totoong si Cholo ang nasa isip ko noong nasa pool tayo. Hindi lang kayang tanggapin ng pride ko nang sandaling iyon na I’m falling for my husband in so short a time. Natiyak ko iyon nang umuwi kang pagod at tulugan mo ako.’”

Marahang natawa si Nico. Gumalaw at isiniksik ang sarili sa asawa.

“Kanina, kinabahan akong muli mong itataboy. Iyon lang ang alam kong paraan upang malaman mong nagsinungaling ako sa iyo dahil hindi ka naniniwala anumang paliwanag ko.” May himig ng pagtatampo ang tinig niya.

“I’m sorry, honey.” Dinama nito ang dibdib ng asawa at muling idiniin ang katawan dito.

“I love you, Nico, at hindi ko kayang isiping…” Nanlaki ang mga mata ni Erika. Tumingin sa asawa. “You’re… you’re… starting to…” Hindi niya masambit ang tamang salita. Nasa mukha niya ang sarisaring emosyon.

Hindi alam ni Erika ang gagawin. Nasa isip ang namumuo at nagngangalit na apoy sa ibabang bahagi ng katawan.

“Kaagad?” aniya na hindi malaman kung pipihit o ano.

“Oops… huwag kang gagalaw nang ganyan or it will be over soon.” Sa pagkakataong iyon ay hinila siya ni Nico paibabaw.

Nanlaki ang mga mata ni Erika sa panibagong karanasang iyon! Pumuno sa kanya si Nico. Kasimpuno at kasinlalim ng pangangailangan nila sa isa’t isa.

“I love you, honey… and I’m home pagkalipas ng sampung mahahabang taon.” Passion, desire, pagsuyo, tenderness, oh, naroong lahat iyon sa mukha ni Nico.

Sandali lang ang pagkabigla ni Erika. Marahan siyang gumalaw at ngumiti. Nagkikislapan ang mga mumunting apoy sa mga mata niya.

“Welcome back home, love!”

“Love covers a multitude of sins.” Pinatunayan ito ni Nico. Tinalo ng pag-ibig niya ang inis at galit ni Erika. At napagtanto ni Erika na ang buhay at pag-ibig niya ay nakalaan para sa taong minsan ay kinaiinisan niya.

Wakas

******Pasensiya na kayo kung ngayon na lang ulit kami nakapag-upload ng mga stories ni Ms. Martha. Babawi na lang kami sa inyong lahat na patuloy pa ring nagbabasa at sumusuporta sa mga gawa ni Ms. Martha.

Comment n’yo na lang sa ibaba kung anu-ano pang stories ni Ms. Martha ang inyong gustong mabasa at susubukan naming makakuha ng files para mai-upload dito. At sa mga gustong magpa-dedication ay mag-comment lang din sa ibaba.

Maraming salamat.

-ADMIN A. :)


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.