loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Prins Op Da Slams

Prins Op Da Slams

akosimarl · 14 chapters · 28,138 words

Prince of the Slums


Disclaimer:

This story is a work of fiction. All names, characters, places, and incidents are used fictitiously. Any resemblance to actual persons, businesses, events, or locales is entirely coincidental and unintended.

This story contains strong language, profanity, and scenes that may include violence and other mature themes. Reader discretion is advised.

Ang nilalaman ng kuwentong ito ay umiikot sa pagmamahalan ng dalawang taong magkaparehas ng kasarian.


2026 akosimarl story

Simula

P U G A D  L A W I N

Welkam

2 Barangay Tandang Sora!

“Aling Tesa, bayad sa renta!” “Nako pasensya na, wala pa ’kong benta.” “Anak ng tokwa naman! Kami ang malilintikan kay Senyorito niyan!”

“Hoy! ’Wag kang tumakbo!”

“O mani kayo diyan! Mani!” “Balot! Penoy! Balot!”

“Lagpas na kayo sa palugit, kailan niyo balak magbayad?”

“Hoy! Bumalik ka dito! Papatayin kita!”

Sa paglalakad ko pauwi dito sa kahabaan ng kalye, isang tipikal na senaryo na naman ang sumalubong sa akin. Ingay ng sigawan, tunog ng mga naghahabulang yabag, halakhakan ng mga lasing, pagtawag para sa mga laman, usok, basura, at polusyon sa kalsada.

“Kirby ginabi ka ’ata?” “Magandang gabi ho.”

Ako si Kirby.

Dito na ako lumaki sa Tandang Sora, sa Distrito ng Pugad Lawin na isa sa mga kinikilalang mapanganib at bangungot na lugar dito sa lungsod ng Maynila.

Pero hindi ito ang Pugad Lawin na nababasa sa mga libro ng kasaysayan. Hindi ito ang lugar kung saan pinunit nina Andres Bonifacio ang sedula bilang hudyat ng paghihimagsik laban sa mga Espanyol.

Dahil ang lugar na ito ay pugad ng mga maninikil, magnanakaw, lulong sa droga, mga taong bayaran, at mga nagbebenta ng laman para lang may maipakain sa pamilya.

Lugar ng mahihirap…at ng mga mapang-api.

“Oy, Kirby! Tagay ka muna!”

Napalingon ako kay Mang Nestor na gaya ng dati ay tila alak na yata ang dumadaloy sa ugat imbis na dugo.

Nasa harap siya ng maliit na sari-sari store ni Ka Myrna kasama ang iba pa niyang kaibigan na mga lalaking malalaki ang tiyan at pulang-pula na ang mga mata sa kalalasing.

“Magandang gabi ho,” aking pagbati kasabay ng paglapit ko rito.

“Parang ginabi ka ’ata? Siguro may chicks ka na ’no?” nakangising tukso ni Mang Nestor habang lumalabas ang dilaw nitong mga ngipin.

“Hoy Nestor! ’Wag mong igaya si Kirby sa ’yo!” biglang sabat ni Ka Myrna na ngayon ay nakasilip sa butas ng kanyang tindahan.

Napaismid nalang ang matanda at muling lumagok ng alak.

“Abala sa eskwelahan, Kirby?” usisa ni Ka Myrna. Tipikal na tita ang kanyang itsura, nakapulang daster na bulaklakin.

Ngumiti ako, “Opo. Nagtatapos ng thesis. Graduating na next month.”

“Rinig mo ’yon Nestor? Graduating na si Kirby! Kaya ’wag mong impluwensyahan ng bisyo mo,” alaska niya sa matanda.

Nagtawanan nalang ang mga manginginom habang si Mang Nestor ay nagkibit-balikat na tila walang pakialam.

Kahit pa tinatawag ng iba na pangalawang Tondo ang lugar na ito, mayroon pa ring mga ordinaryong taong pilit lumalaban araw-araw para mabuhay ng marangal.

Mga taong nagtatrabaho ng patas. Mga taong sumusunod sa batas. Mga taong pinipiling maging mabuti kahit napapalibutan ng mali.

“Mang Nestor, sino ’yong mga nagtatakbuhan kanina?”

Napalingon ako sa isang binatang hindi pamilyar ang mukha. Nakaupo rin ito kasama nila ngunit halatang bagong salta pa lamang sa lugar.

“May mga dalang baril at itak.”

“Kirby ito pala yung order ng mama mo na lotion, ngayon lang dumating mga order sa Eybon. Pasabi pasensya na,” sabat ni Ka Myrna habang iniaabot ang maliit na supot.

Tinanggap ko iyon ngunit nanatiling nakikinig sa usapan.

“Joshua, ito ha makinig ka,” baling ni Mang Nestor sa binata.

“Mga tauhan ’yon ni Senyorito Joaquin. Siya ang may hawak ng leeg dito sa Tandang Sora,” pagpapakilala niya.

Tahimik kaming nakinig.

“Sa kanya nagbabayad ng upa at buwis ang mga tindahan at ilang negosyo.” Humigop muna ito ng alak bago nagpatuloy.

“Kapag hindi ka nagbayad talagang malilintikan ka. May mga kaso na rito na nawawala at natatagpuang palutang-lutang na lang ang ulo sa estero sa Binondo” mahina pa itong bumulong.

“May mga nagsasabi na gawa ’yon ni Senyorito Joaquin, parusa niya sa mga hindi sumusunod.”

Batid ko ang takot sa mga mata ng kaharap niyang binata.

“Basta alam ko ay ginagawa niya ang lahat para mapaganda ang Tandang Sora.” Muling bawi ni Mang Nestor.

“Siya ang tagapamahala. Kung baga siya ang agila dito sa distrito ng pugad lawin. Siya ang nasa tuktok at nakakakita sa lahat ng galaw sa ibaba. Siya ang batas…”

“…dahil dito sa Tandang Sora ang batas niya ang sinusunod, hindi ang batas ng gobyerno-”

“Sa madaling salita, isa siyang hambog.”

Hindi ko napigilang sumabat.

Biglang natahimik ang paligid.

Isang lalaking kinatatakutan dahil lang siya’y makapangyarihan?

Hindi napigilang mapatayo si Mang Nestor, “Huy, Kirby! Baka may makarinig sa ’yo!” iginala pa nito ang kanyang tingin sa paligid na wari’y sinisiguradong walang nakarinig sa sinabi ko.

Napailing ako.

“Kung siya nga ang agila, ang batas, ang tagapamahala…hindi ho ba dapat na kilalanin ang lugar natin hindi bilang mapanganib na lugar?”

Nakatingin silang lahat sa akin ng diretso.

“Kung hawak niya ang leeg ng mga taga rito sa Tandang Sora, hindi ho ba dapat na gamitin niya ’yon sa mas magandang paraan?”

Tahimik silang lahat.

“Kung ginagawa niya pala ang lahat para mapaganda ang lugar natin, bakit sa simpleng welcome sign ng barangay natin ay hindi tama? Sa unang tingin palang ay parang repleksyon na walang pinag-aralan ang mga tao rito sa lugar natin…”

“Kirby!” inis ang tonong pabulong na tugon ni Mang Nestor, “Anong pinagsasabi mo? ’Wag mong siraan si Senyorito Joaquin, baka kung anong mangyari sa ’yo!”

“Hindi ko ho siya sinisiraan,” kalmado kong sagot.

“Sinasabi ko lang ang totoo. Naturingan siyang anak ng Mayor ay siya ’tong gumagawa ng kalokohan. Kung hindi niya ho kayang pamahalaan ang ating lugar, mas mabuting ibigay niya sa may alam at may pinag-aralan.”

Napansin ko ang marahang pagtango ng binatang nasa tabi.

“Kanino? Kanino ibibigay?” inis na tugon ni Mang Nestor.

“Sa ’yo?”

Umiling ako.

“Oo, Kirby. Alam naming ikaw lang ang may pinag-aralan dito sa atin. Hindi ako nagtapos ng unang baitang, alam niyo ’yan,” tila ba humahanap pa ito ng kalinga sa kanyang mga kasama.

“Pero ang paraan ng pamumuno ni Senyorito Joaquin? Hindi mo ’yon magagawa, ibang-iba ang pagmamahal niya sa ating mga taga Tandang Sora.”

Napangiti nalang ako.

“Hindi lang ho pala sa dugo niyo dumadaloy ang alak…” pagngisi ko.

“…pati ho pala inyong mga mata ay dumadaloy dahil tiyak na nagbubulag-bulagan nalang ho kayo sa mga bagay na dapat niyong makita…”

“Sa kanya nagbabayad ng buwis? Buwis para saan? Buwis sa proteksyon? Laban kanino? Sa kanila din naman ho diba?”

Huminga ako nang malalim bago nagpatuloy.

“Kung talagang mahusay siyang namumuno dito sa ating lugar ay matagal na hong walang gutom at hirap dito sa ating barangay…”

“…walang maninikil, magnanakaw, lulong sa droga, nagbebenta ng laman, at mga walang trabaho na walang ibang ginawa kung hindi uminom tulad niyo…”

“Aba! Gago ka ah!”

Aktong susugod si Mang Nestor nang biglang sumingit si Ka Myrna habang may hawak na walis tingting.

“Hoy! Lumayas nga kayo rito mga anak ng tipaklong!”

Pinaghahampas niya ang mga lasing na tila mga pusang nagkakagulo sa bubong.

“Alis! Alis! Lahat ng sinabi ni Kirby ay totoo Nestor! Lumayas kayo rito at hindi naman kayo nagbabayad sa mga utang niyo! Pwe!”

Mabilis na nagtakbuhan ang mga manginginom na kanina lamang ay akala mo mga hari din ng kalsada.

“Kirby, umuwi ka na bago pa magsibalikan ang mga ’yon,” sabi ni Ka Myrna habang inaayos ang kaniyang daster. “Mag-ingat ka rin pauwi. Baka may mga nakarinig nga sa ’yo.”

Ngumiti nalang ako.

Bitbit ang lotion at ang aking backpack ay tinahak ko na ang maduming daan pauwi.

Mula noon hanggang ngayon ay sari-saring kuwento na ang naririnig ko tungkol sa Joaquin na ’yon.

Prince of the Slums.

’Yan ang isa pa niyang bansag.

Sa kanya lumalapit ang mga taga-rito sa tuwing nagigipit sila. Legal at ilegal na negosyo ay hawak niya.

Mayaman. Anak ng mayor. Makapangyarihan.

Para siyang batang nagpapanggap na hilaw na gangster habang ginagamit ang kahirapan ng mga tao bilang trono.

Isang beses sa buong buhay ko palang ’ata siya nakikita, ito ay noong nagkaroon ng soft opening ang business nila Papa.

Mula noon ay hindi ko na siya nakita pa, hindi ko rin naman gugustuhin.

Batas ng kalsada?

Nakakatawa.

“Ginabi ka ’ata ng uwi, anak? May babae ka na ano?” nakangiting salubong sa akin ni Papa na ngayon ay walang tigil ang pagpaypay sa ihawan.

“Ano ka ba naman, mahal. Parang hindi mo kilala ang anak mo,” sabat ni Mama sa tabi niya. “O kanino tong betamax? Luto na.”

Napangiti ako.

Astang Vina Morales at Robin Padilla ang mga magulang ko, kung hindi mo naman sila kilala ay Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa pelikulang She’s Dating the Gangster ang tambalan nila.

Karinderya sa umaga, ihawan sa gabi.

’Yan ang negosyo ng pamilya namin at ’yan din ang ikot ng buhay ko.

Unibersidad. Bahay. Tindahan.

Paulit-ulit.

Isang retired na doktor ng militar si Papa matapos ang thirty years niyang pagsisilbi sa kampo, habang housewife naman si Mama.

Ako lang ang tanging anak nila, kaya simula’t sapul ay sa pagmamahal at kalinga na ako lumaki.

Dito sa lugar namin na sinasabing mapanganib, ni isang beses ay hindi ko narasanang makaramdam ng dahas, hindi ko alam kung dahil ba ito kay Papa. Pasalamat nalang din at ligtas araw-araw ang pamilya namin.

Bukod sa pagmamahal ko sa pagluluto na namana ko sa aking Papa, mahilig din ako sa pagsusulat at pagbabasa na hindi kaila sa aking kurso na journalism.

Sa apat na taon ko sa unibersidad, hindi ako naging simpleng estudyante lang.

Active ako sa organizations, leadership activities, outreach programs, at iba’t ibang proyekto para mas mahasa ang kakayahan ko.

Minsan na rin akong sumali sa ilang university pageants at sa tulong ng suporta nina Mama, Papa, mga kaibigan, at kaklase ay nakakasungkit naman ako ng ilang titulo.

Sports?

Naglalaro naman ako ng basketball at iba pang ball games. Hindi ko lang siguro talaga trip.

Lovelife?

Siguro ’wag nalang muna nating pag-usapan.

“Mahal, sa itsura ng anak natin himalang walang magkakagusto diyan,” pagmamalaki ni Papa habang patuloy sa pagpaypay. “Saan pa ba magmamana ’yan? Edi sa akin diba?”

Napapangiti nalang ako habang tumatanggap ng order sa likod ng estante.

“Anong sa inyo?”

“Hi, Kirby. Puwedeng magpapicture?”

Napalingon ako sa isang babaeng customer at marahan nalang na ngumiti bago tumango.

Oo na, oo na. May itsura raw ako, yun ang sabi nila. May itsura naman lahat ng tao, may mga pinagpala lang talaga, para bang naka-subscribed sila ng mas premium feature.

“Kita mo na, mahal? Hindi lang basta inihaw ang tinda natin.”

“Manahimik ka nalang diyan Boyet,” tila pagsuko ni Mama.

Nagtagal pa ng ilang oras ang takbo ng aming tindahan bago kami tuluyang nagsara.

Alas-dyis na rin ng gabi at ngayon ay nandito kami sa kusina. Sila Mama at Papa ay nasa hapag habang binibilang ang mga kinita ngayong araw.

Ako naman ay nasa lababo at hinuhugasan ang sandamakmak na hugasin. Ito ang trabaho ko sa kagabi, dahil baka mapasma lamang ang kamay nila kung sila pa ang maghuhugas. Hindi naman mabigat dahil ito lang din ang magsisilbing tulong ko sa kanila.

“Magkano aabutin ng graduation fee mo, anak?” wika ni Mama sa may lamesa sa aking likuran.

“Baka four thousand…” tugon ko naman.

“Okay…” rinig kong tugon nito.

Hindi ko masasabing mayaman ang pamilya namin pagdating sa pinansyal, may kaya at nakakaluwag-luwag lamang.

Ang yaman lang namin ay pagmamahal, ’yon ang maipagmamalaki ko.

Sariling pera ang puhunan ng aming business, walang ibang inutangan, walang maniningil na mga kawatan.

Bilib ako sa kanilang dalawa, dahil kitang-kita ko ang kanilang sakripisyo para sa akin, at ramdam ko ’yon dahil hindi naman ako bulag.

Kaya ang tanging regalo ko sa kanila at bayad sa lahat ng kanilang ginawa ay pagtatapos ko sa susunod na buwan, ’yon lang din naman ang hiling nilang dalawa para sa akin.

Minsan ko na rin silang tinanong kung balak ba nila akong sundan, natuwa naman ako dahil meron daw.

“Bakit?” rinig kong boses ni Papa.

“Nasusuka ako…” rinig kong tugon ni Mama at maya-maya pa ay nasa tabi ko na ito at doon dumuduwal sa lababo.

Dahan-dahan kong tinapik ang kanyang likod habang si Papa naman ay halos hindi na mapigilan ang lawak ng ngiti.

Pinanglakihan ko si Papa ng mata na parang nagsasabing “Ito na yung

kasunod

? Agad-agad?“

Napangiti nalang ako at umuling.

Lumipas pa ang ilang minuto ay kasalukuyan akong nandito sa labas ng bahay bitbit ang sako ng basura. Hindi pa rin ako nakakapaglinis ng katawan, suot ko parin ay school uniform.

Dahil ito na ang pinakahuling trabaho sa araw na ito, itapon ang basura sa malaking trash bin na si Papa mismo ang nag-donate sa barangay.

“Ay bwiset…”

Napatigil ako nang may tumulong likido sa paa ko.

“Kadiri…”

Napangiwi ako ngunit itinuloy pa rin ang paglalakad, higit pa ’to sa pakiramdam na naka-apak ka ng tae.

Pero sabi ng marami, swerte raw ang makatapak ka ng tae.

Ewan ko rin, narinig ko lang din ’yon sa isang kanta ng boyband dito sa Pinas.

Ilang hakbang pa ay nakarating na ako sa basurahan at doon ay buong lakas kong inihagis ang sako.

“Pagkamalas nga naman…” muli kong wika dahil sa mga katas ng basurang tumalsik sa aking katawan.

Napailing nalang ako habang mabigat ang aking mga paang humahakbang pabalik sa bahay.

Ngunit hindi pa ako nakakalayo ay nakarinig ako ng mahihinang paghuni.

Napatigil ako sa paglalakad at napabaling sa kabilang bahagi ng kalsada, tinumbok ko ang pinanggagalingan ng ingay na iyon.

’Di naman ako nagkamali at isang kulay itim na kuting ang tila humihingi ng tulong.

Dahan-dahan akong yumuko at marahang dinampot ang kuting.

“Nasaan ang mama mo?” pagkausap ko rito.

“Meow…” tugon niya sa akin habang hinahaplos ng aking daliri ang maliit nitong ulo.

Kita sa kanyang maliliit na mata ang butil ng mga luha na hudyat na siya’y nawawala.

Sabi nila ay malas ang makakasalubong ka ng itim na pusa, pero counted ba ’yon kung kuting palang?

Napabuntong-hininga ako bago tuluyang tumayo habang hawak ito sa aking mga bisig.

Ngunit sa mismong sandaling iyon…

Isang malakas na hampas ang bigla kong naramdaman sa likod ng aking ulo.

Dumilim ang aking paningin.

Nanghina ang tuhod ko.

At bago tuluyang mawalan ng ulirat…

“Meow…”


Kabanata 1

E N G L I S H

“…what I’m telling you is that I’m going back to the Philippines next month together with my parents.”

“Uy, Pilipins.”

“If you’re really serious about our relationship, I’m giving you an opportunity for you to talk to them.”

“Yes, siryus. Releyshon…yes ano…mahal kita, sobra-sobra….ay shi te ru….alab yu Seyko.”

“I don’t understand you, I’m sorry.”

“Istand? Nakatayo na ako.”

Naalimpungatan ako dahil sa mga boses na paulit-ulit na pumapasok sa aking pandinig.

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata ngunit agad ko ring napansing may telang nakapiring sa akin. Hindi man ganap na madilim, sapat iyon para malabo lamang ang mga aninong gumagalaw sa paligid.

Mainit.

Amoy matapang na usok ng sigarilyo.

Amoy kalawang.

Amoy natuyong alak.

Sinubukan kong igalaw ang aking mga kamay ngunit doon ko napagtantong nakatali pala ang mga ito sa likod ng inuupuan kong bangkuan. Ganoon din ang aking mga paa.

Napamura nalang ako sa isip.

Hindi ako nagpumiglas.

Sa mga ganitong sitwasyon, mas mabuting inuunang mag-isip bago gumalaw.

Ramdam ko pa rin ang hapdi sa pagkapalo ng kung anong matigas sa ulo ko. Alam ko, kinidnap ako.

Siguro counted ang itim na kuting bilang malas na makasalubong.

Hindi ko naman ’to ginusto, jusko.

Pilit kong inaaninag ang pigura ng lalaking nakatayo sa harap ng lamesang may nakapatong na laptop na parang sampung kilo ang bigat dahil sa kapal at laki nito, luma na.

“No. I’m telling you if you understand what I’m saying, I didn’t tell you to stand,” matinis ang boses ng babae sa kabilang linya.

May accent ang kanyang pagsasalita ng Ingles na tila isang Japanese.

“Yes. Aym istand…ano ba…hawar yow…aym okey…”

Napapikit ako sandali.

Mukhang hirap na hirap ang lalaking magsalita ng Ingles.

“I’m really sorry but I don’t understand what you’re saying. I can’t comprehend Tagalog. If you are really serious about our relationship, I guess you should study the English language first. Have a translator or even a tutor. You have a lot of money.”

Ramdam ko ang pagsuko sa boses ng babae.

Kita ko ang pag-upo ng lalaki at doon diretsong nakatingin sa laptop.

“Chutor? Yes. Ay hab chutor. Weyt-weyt.”

Bigla itong bumaling sa gilid.

“Hoy Cholo! Cholo! Cholo!”

Doon ko naman nakita ang mabilis na paglapit sa kanya ng isa pang lalaki na tila galing sa labas ng kwarto. Kalbo ito na may tattoo sa ulo, parang si Aang lang.

“Boss! Bakit po?”

“Anong bakit?” singhal nito, “Tulog pa ba yan?”

Doon ko naramdaman ang malamig na kilabot nang mapansing ako ang tinutukoy niya.

Mabilis na humakbang papalapit sa akin ang lalaking tinawag niyang Cholo.

At bago pa ako makapaghanda…

Isang malakas na sipa agad ang tumama sa aking tiyan dahilan para mawalan ako ng hangin.

Sunod-sunod akong napaubo habang tila umiikot ang aking sikmura.

Pakiramdam ko ay anumang oras ay magsusuka ako ng dugo.

“Boss, pahirapan akong maghanap ng magtuturo sa ’yo. Pero sinisigurado kong perpek ’tong nakuha ko.”

Naramdaman ko ang marahas na pagsabunot niya sa aking buhok para iangat ang aking ulo.

Nanginginig na ang aking kamao sa galit.

Ngunit mas pinili kong pigilan ang sarili.

Bigla niyang hinablot ang telang nakapiring sa akin.

At sa pagtanggal niyang iyon ay doon na sumilay ang buong larawan ng silid.

Madilim ang buong lugar ngunit sapat ang pula at dilaw na ilaw para makita ko ang kabuuan nito.

Isang kwarto na madumi, maalikabok.

Sa harapan ay may pintuan na tanaw ang labas ng silid na para bang isang abandonadong tambakan ng mga sirang sasakyan.

Kalawangin ang mga bakal. Mausok.

May mga tumutulong langis sa sahig. Maitim. Maingay na nagmumula sa mga lalaking nagtatawanan at sigawan.

At sa bawat sulok pa ng lugar na ito ay tila may bahid ng karahasan.

Ngunit sa lahat ng aagaw ng pansin.

Doon napako ang aking tingin sa lalaking nasa unahan na tila gulat na gulat ng ako’y makita.

Napatayo siya hudyat na hindi lang basta ito nagulat sa akin, para bang nakakita siya ng multo.

Matalim at seryosong baling ng mata ang ibinigay ko sa kanya habang sinusuri kung sino ang mga taong ito.

At doon ay hindi ako nagkakamali.

Ang agila. Ang batas. Ang tagapamahala.

Ang Prince of the Slums na si Joaquin.

Nabaling ang aking tingin sa suot niya, tila ba dadalo siya ng masquerade ball sa suot nitong itim na may pula na tuxedo.

“Cholo, isa kang ulupong tanginamo!”

Naputol ang kanyang tingin sa akin at mabilis na bumaling sa lalaking nasa gilid ko.

“Bakit, Boss? Ayaw mo ba ng lalaki? Siya lang daw ang nag-aaral ng kolehiyo sa Barangay eh, kaya siya ang kinuha ko.”

Halatang walang ideya si Cholo sa kagaguhang ginawa niya.

“Lumapit ka dito,” ramdam ko ang gigil sa kanyang boses

Lumapit naman sa kanya si Cholo. “Galing ko ba, Boss? Alam ko matalino ’yan eh.”

Nakita ko ang pagngisi niya at doon na lang nito binigyan ng malakas na suntok sa panga si Cholo, binigyan pa niya ito ng mag-asawang sipa sa tiyan.

“Gago ka ba! Eh anak ’yan ni Ser Robert! Kung sinu-sinong ina-alaska mo! Anong mangyari sa ’yo gago?!”

Sunod-sunod ang mura nito habang si Cholo naman ay mabilis na tumayo na parang walang naramdamang sakit.

“Se…ser Robert? Yung sundalo?” gulat at utal na wika ni Cholo na tila ba hindi siya makapaniwala.

Hindi na siya tumugon, napakamot nalang ito ng ulo at mabilis na umupo at muling humarap sa laptop.

“What’s happening there? Is there any problem?” rinig kong wika ng babae sa linya.

Umiling ito. “No, no, no. Gud, gud.” Malambing ang boses niya sa babae, samantalang parang asong lobo sa iba.

Nag-thumbs up pa ang gago.

Napailing nalang ako samantalang si Cholo ngayon ay mabilis na tinatanggal ang pagkakatali sa aking kamay at binti, ramdam ang kaba dahil sa panginginig ng kanyang kamay.

“I gotta go now. I still have an appointment with my clients. What I said earlier, please take that seriously. Bye.”

“Okey. Sige-sige, bay-bay.” Kumaway pa siya, parang tanga.

Tuluyang natanggal ni Cholo ang pagkakatali sa aking kamay at paa.

Ako naman ay napatayo at inayos ang pagkakagusot ng aking suot-suot na uniporme, hindi pa rin ako nakakapagpalit dahil pagkatapos kong magtapon ng basura ay pagligo dapat ang sunod kong gagawin, ngunit hindi ko ba malaman kung anong gusto nila at bigla-bigla nalang akong kinidnap.

Tama nga sila.

Hawak ng Joaquin na ’to ang leeg ng mga taga-Tandang Sora, dahil kahit sinong gustuhin nilang makuha at paglaruan ay talagang magagawa nila.

“Lumabas ka, Cholo. Labas!” sigaw nito.

Ngayon ay may subo-subo na siyang tobacco, labas usok sa kanyang ilong at bunganga.

Matapang ang amoy nito.

Tuluyang lumabas si Cholo.

Habang ako naman ay patuloy ang pag-aayos sa sarili.

Sa mga oras na ito ay hindi naman ako kinakain ng takot o kaba, galit at inis lamang dahil istorbo sila.

“Oy dito ka. Upo ka dito,” maangas na utos nito sa akin habang nagpapalabas ng usok sa kanyang bibig.

Parang tambutso lang.

Hindi na ako nagsalita pa.

Tahimik akong humakbang papunta sa upuan sa harap ng kanyang lamesa.

Umupo ako nang diretso habang matalim siyang tinitigan.

“Istorbo kayo…” hindi ko napigilang mapasinghal dahil sa nangyari. Kung magsalita ako ay parang kaswal lang.

Ngumisi lang ito. “Hindi ko kasalanan. Malay ko bang ikaw ang dadamputin.” Medyo mahinahon na ang kanyang boses pero may halong pang-iinis.

Napataas ang kilay ko, “Ganoon nalang ’yon? Basta niyo nalang dadamputin kung sinong gustuhin niyo?” inis kong singhal.

Kibit balikat lang siya habang humihipak ng tobacco.

“Hindi niyo ba alam na puwede ko kayong kasuhan? Article two-six-seven. Kidnapping and serious illegal detention,” wika ko pa.

’Di ito umimik, tila walang naririnig.

Diretso at mapang-asar lang ang tingin sa akin habang humihipak ng tobbaco sa kanyang bibig.

“Kung sa bagay, ’di ka rin naman makukulong. Ikaw na ’yan eh, ang Prince of the Slums,” inis ko pang dagdag.

Iniwas ko nalang ang tingin sa kanya dahil baka kung ano pang masabi ko.

Napabaling nalang ang tingin ko sa isang gilid kung saan may aquarium doon na sobrang dumi ng tubig, na tila kahit dito ay walang mangangahas na isdang tumira.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa,” muli akong napabaling ng tingin sa kanya.

Saglit niyang ipinatong ang tobacco sa ashtray.

“Ano yung narinig mo?” wika nito dahilan para mapataas na lang muli ang kilay ko.

“Anong narinig?”

“Narinig sa usapan namin ng syota kong haponesa,” paglilinaw niya.

“Alin?” diretso kong tanong. “Yung babalik siya dito sa Pilipinas sa isang buwan kasama ang magulang niya?” pagtatransleyt sa narinig ko kanina.

Tahimik siyang nakatingin sa akin.

“O yung sabi niyang kung seryoso ka ba sa relasyon niyo ay kausapin mo ang mga magulang niya?”

Tumango siya.

“Perpek nga! Cholo! Cholo!” bigla nalang niyang atungal at pumalakpak pa na parang batang natuwa.

“Boss, bakit po?!” para bang nagteleport ang lalaking ito.

“Beri gud ka!”

Nag thumbs up pa siya kay Cholo bago niya ulit pinaalis ang kawawang kawatan.

Pagkalabas nito ay muli siyang bumaling sa akin.

“Babalik ang syota ko dito sa Pilipinas sa susunod na buwan,” seryoso niyang sabi.

“Kakausapin ko ang mga magulang niya. Papakasalan ko siya dahil gusto ko siyang makasama panghabang-buhay,” seryoso niyang wika sa akin.

Napahawak nalang ako sa sentido ko.

Sa wakas, naintindihan ko na ang dahilan kung bakit nila ako kinidnap.

“Gusto mong turuan kita ng English? Tutor? Teacher? Ano? Para makausap mo ng maayos ang syota mo? Para hindi ka mapahiya sa mga magulang niya?” sunod-sunod kong tanong.

Tumango siya na tila batang excited.

“Ayoko.”

Biglang bumagsak ang mukha niya.

“Bakit naman?”

“Sa dami ng pwedeng asikasuhin, bakit hindi mo unahin ang Tandang Sora?” inis kong sagot.

“Pasensya na pero ito yung totoo, ’di mo naman ’ata pinapakita sa mga mamamayan ang totoong pagmamahal at pamamahala ng tama. Ikaw at ang lahat ng mga kawatan mo ay naninikil lamang, nanggugulo, perwisyo…”

Tahimik siyang nakatingin sa akin.

Pagkatapos ay may inihagis siya sa ibabaw ng mesa.

Napatingin ako.

Mga bundle ng asul na pera.

Isang milyon.

“Sapat na ba ’to?”

Umiling ako.

“Hindi ako tumatanggap ng pera mula sa paninikil.”

“Eh anong gusto mo?” seryoso niyang tanong. “Ipaintindi mo sa akin.”

Hindi ko alam kung bakit.

Pero sa mga oras na ito, iisa lang talaga ang gusto kong sabihin.

“Ang Tandang Sora…” diretso kong sambit habang nakatingin sa kaniya. “Ayusin mo.”

Tahimik siyang napatitig sa akin.

Napatayo siya at doon pa inilahad sa akin ang kanyang kanang kamay.

“Okey, maayos ang ating usapan…” ngumisi siya.

“…turuan mo ako ng Ingles, kapalit ng pagsasaayos muli ng ating minamahal na Tandang Sora.”

Hindi ko alam kung anong klaseng problema ang pinasok ko.

Tumayo ako ngunit hindi ko tinanggap ang kamay niya.

“Cholo! Ihatid mo na pauwi itong lalaking ’to!”

Hindi ko na siya nilingon pa at tahimik nalang akong naglakad kasunod ni Cholo palabas dito sa maliit na kwarto.

Hindi ako pamilyar sa lugar.

Mukhang tambakan ito ng mga sirang sasakyan at abandonadong bakal.

Ngunit bago ako tuluyang makalabas…

Napahinto ako.

Sa gitna ng gusali ay may isang lalaking nakatali nang patiwarik habang paulit-ulit na pinapalo ng mga tauhan niya.

Umaalingawngaw ang kanyang sigaw sa buong lugar.

Ngunit walang ni isa man sa kanila ang naaawa.

Napailing nalang ako at tahimik na umiwas ng tingin.

Pagod na ako.

Gusto ko na lang umuwi.


Kabanata 2

T U T O R

Alas-kwatro ng hapon. Kalalabas ko lang mula sa campus.

Nandito ako ngayon sa isang café malapit sa university.

Dito sa pinakagilid na bahagi kung saan walang masyadong nakakakilala sa akin. Tahimik lang. Kaunti ang tao, mga estudyante lang. At sakto lang ang lamig ng aircon para kontrahin ang nakapapasong init sa labas.

Paharap ako sa entrance ng building habang taimtim na nakaupo sa aking puwesto. Sa lamesa sa harapan ko ay may isang baso ng matcha latte na bahagya ng natutunaw ang yelo.

May hinihintay akong dumating.

Saglit akong humigop sa matcha bago ko dinampot ang bag sa gilid ng upuan, kinuha ko sa loob ang isang berdeng libro na hiniram ko pa sa library, at ang aking salamin na madalas ko lang suotin tuwing nagkaklase at nagbabasa ng libro.

Marahan kong sinuot ang salamin bago ipinatong ang libro sa mesa.

Basic Conversation. Filipino to English.

’Yan ang title ng libro.

Binuklat-buklat ko iyon habang tahimik na napapabuntong-hininga.

Hindi ko alam kung anong klaseng problema ang pinasok ko.

May choice naman akong tumanggi, dahil alam kong madami siyang pera, pwede naman siyang humanap ng mas magaling na magtuturo sa kanya.

Pero hindi ko na inayawan pa.

Dahil kahit papaano, nakataya rin dito ang ikagaganda ng lugar namin.

Bilang isang journalist na mulat sa realidad ng Tandang Sora, hindi ko kayang manahimik nalang habang nakikita ko kung paano nilalamon ng maling sistema ang lugar na kinalakihan ko.

Kung pagtuturo lang naman sa kanya ng Ingles ang kapalit, bakit hindi ko na rin isabay ang pagtuturo ng tamang asal at tamang pamamahala sa nasasakupan niya?

Tutal, mukhang wala namang nagtangkang gawin iyon para sa kanya.

Napailing nalang ako.

Wala akong ideya kung saan ako magsisimula, hindi naman education ang course ko.

Kaya noong nakita ko itong libro sa library kanina ay agad ko nang kinuha, baka sakaling makatulong.

Sinara kong muli ang libro bago ibinaling ang tingin sa entrance ng cafe.

Saktong doon pumasok ang taong hinihintay ko.

Napataas na lang ang kilay ko ng makita ang suot-suot niya.

Agad siyang pinagtinginan ng mga estudyanteng nakatambay sa loob ng café. Mga estudyanteng isang kape lang ang inorder pero halos buong boarding house na ang naka-connect sa wifi.

Nakasuot siya ng puting sando kaya lantad ang matipuno niyang katawan at ilang mga tattoo sa kaliwang braso nito na alam kong siya lang ang nakakaalam.

At ang pinakamalala?

Naka-boxer short siya.

Asul.

May malaking mukha pa ni Doraemon sa harapan.

Para siyang tambay na nagdesisyong bumili lang ng suka sa kanto pero aksidenteng napadpad sa café.

Iginala niya ang tingin sa paligid hanggang sa makita niya ako.

“Hoy!”

Sigaw nito dahilan para mapayuko na lang ako sa lakas ng boses niya.

Dire-diretso niyang tinahak ang daan papunta sa lamesa ko bago mabilis na umupo sa harapan ko.

“Nag te-teks ako sa ’yo, hindi mo naman ako sinasagot!”

Malakas pa rin ang boses niya.

“Wala akong load,” simpleng tugon ko.

“Eh eh, ulul. Ayaw mo lang akong sagutin!” singhal pa niya.

Napapikit nalang ako sandali.

“Ang lakas ng boses mo. Hinaan mo, hindi lang ikaw ang tao dito,” bulong kong sita sa kanya.

Ngunit nagkibit balikat lang siya, nakangiti ito na parang tanga, labas ang maputi niyang ngipin.

Iginala niya ang tingin sa paligid, kinikindatan ang mga babae at lalaking nakatingin dito na tiyak ay nandidiri naman sa kanya.

“Ayos pala dito ah,” komento niya habang nakasandal sa upuan. “Malamig. Amoy kape.”

Parang unang beses niyang makapasok sa café.

“Malamang,” patay kong sagot. “Coffee shop ’to.”

“Kopi syap?” ulit niya. “May tinda bang neskape tri-in-wan dito?”

Umiling ako bago umayos ng upo.

“Okay. Let’s get started,” panimula ko dahil ayoko ng mag-aksaya ng oras sa kanya.

Seryoso naman siyang umayos ng upo at tumingin sa akin.

“We’re going to have a basic English conversation, so please listen to me attentively. Try to answer my questions in English.”

Tahimik lang siyang nakatitig.

“I need your cooperation, and try to speak English as much as you can. If you have any questions, don’t be shy to ask me. Do you understand?” panapos kong simula.

Hindi siya sumagot, nakatingin lang ng diretso.

“Do you understand?”

Parang pinoproseso pa niya ang lahat ng sinabi ko.

Huminga ako ng malalim.

“I said, do you understand?”

Napasinghap nalang ako ng doon siya dahan-dahang tumayo sa harapan.

Seryoso ang baling niyang tingin sa akin.

“Bakit ka tumayo?” taka kong wika at sumilay nalang ang ngiti sa labi ko, “Hindi ko sinabing stand up.”

Tila natauhan naman siya.

“Oo, alam ko! Bibili akong kape kaya ako tumayo,” depensa niya agad.

Napailing ako.

“Anong gusto mo?” tanong niya. “Bukod diyan sa parang lumot na iniinom mo.”

“I’m good,” tugon ko nalang.

’Di na siya sumagot pa at mabilis na umalis sa harapan ko at tinumbok ang daan papunta sa counter.

Mabilis ko nalang na inuntog ang ulo ko sa libro dahil sa hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman.

“Ano ba ’tong pinasok ko?” hindi ko mapigilang bulong, “Para akong magtuturo sa daycare.”

Lumipas ang halos isa’t-kalahating oras.

At sa loob ng isa’t kalahating oras na iyon, tuluyan ko nang tinanggap na imposibleng magsimula agad sa basic English conversation.

Hindi lang siya hirap magsalita.

Nahihirapan din siyang magbasa.

At kung minsan ay tila hindi niya maintindihan ang simpleng instructions.

Sa edad niyang iyan? Pilit ko nalang na iniintindi dahil baka may rason kung bakit siya ganyan.

Baka may dahilan.

Kahit nahihirapan ay kita ko naman sa kanyang mga mata ang pagpupursigi kahit na sinasabayan niya iyon ng kakulitan at kayabangan.

Itinago ko na ang libro sa bag, dahil iba ang pag-aaralan namin.

Hindi lang basta basic. Dahil bumalik kami sa foundation.

“B.” “Bi.”

“B as in Bravo. Ikaw nga.”

“Bi…brabo.”

Napahilot ako sa sentido.

“Paulit-ulit tayo sa B at V. Kapag B, ititikom mo yung buong bibig mo. Parang mag pa-pop sound ka. Sige nga ikaw, B.”

“Bi.”

“Kapag V naman yung ilalim ng dila mo bahagya mong kagatin, ilabas mo yung ngipin mo na parang dudura ka. Tapos mas mahaba yung vibrate sa lalamunan mo.” Pagpapaliwanag ko.

Tinitigan niya lang ako.

“Sige nga kagatin mo labi mo na parang dudura.”

Sinunod niya ang utos ko. Ngunit awtomatiko na lang na lumabas ang kanina ko pang pinipigilang pagtawa.

Gigil na gigil kasi ito sa pagkagat.

“Taena pinagtatawanan mo naman ako!” hiyaw niya sa akin habang nagpipigil ako ng tawa.

“Ayusin mo kasi!” paninindak ko sa kanya.

Para bang hindi na namin alintana kung pagtitinginan kaming dalawa kahit na bahagya akong nahihiya para sa kanya.

“Sige ikaw nga, V.”

“Vvv…”

“Ano ba naman talsik laway!” atungal ko ng may naramdaman akong nagtalsikan.

“Sabi mo parang dudura!”

“Hindi ko sinabing dumura ka!” singhal ko naman sa kanya bago muli naming ipinagpatuloy ang pag-aaral.

“C for Charlie. “C.”

“D for Delta.” “Di, for didi.”

“Wag kang bastos.”

“E for Echo.” “E, eko.”

“F for foxtrot.” “Ep, paksrat.”

“Ayusin mo. F…” “Ep.”

“Hindi Ep, F…as in may hangin na naiiwan. F…”

Nakatitig ako sa kanya habang nakanguso ang kanyang bibig.

“Effff….” muling may tumalsik na laway.

Huminga na lang akong malalim.

“G for Golf.” “Dyi, golp.”

“Ayusin mo yung F!” “Golfff…”

“H for Hotel.” “Et.”

“Ayusin mo, H…as in eych.”

“Eychhuu..”

“Anong eychu? Eych, mabilis lang. H.”

“Eych.”

“I for India.” “Ay, indya.”

Nagpatuloy pa ang aming pag-aaral, minuto, paulit-ulit. Nakakapangal.

“Q…” “Kyu.”

“R for Romeo.” “Ar.”

“S for Sierra.” “Et.”

“Ayusin mo, S hindi Et. Sinasadya mo na ’ata eh,” reklamo ko sa kanya dahil napapangal na ang bibig ko.

“Dami naman kasi!” muling umandar ang kanyang bibig ng pagrereklamo. “Pakialam ko ba diyan kay Ka Romyo! Hindi pa nga din ako nakakapunta diyan sa Shera Madre. ’Di ko alam, mahirap,” atungal niya.

“Military alphabet ang tawag diyan. Si Papa ang nagturo sa akin,” tugon ko nalang sa kanya.

Hindi ko nalang pinansin pa ang iba niyang reklamo.

“X.” “Eks.”

“Y.” “Way.”

“Z.” “Zey.”

“Anong zey? Zee, as in Zebra.”

“Eh? Zey ’yon!” pagmamagaling pa niya.

“Sige zey, zeybra.” Inis kong tugon sa kanya bago ko muling kinuha ang matcha at hinigop na ang natitirang laman nito.

Siya naman ay doon ko nakitang may dinudukot sa nakaipit sa kanyang suot na boxer.

Napakunot-noo ako.

“Anong gagawin mo?” mabilis kong pagpigil ng makitang sigarilyo ang binunot niya dito.

“Hihipak. Bawal?” utas niya habang taas kilay pa.

Mabilis kong ibinaling ang tingin sa gilid kung saan doon nakadikit ang isang signage.

“Ayun tingnan mo,” bigla kong turo sa kanya, “Basahin mo nga yung nakalagay.”

Bumaling naman siya ng tingin doon, “Ay layk may kopi hat.”

“Hindi yan, yung kulay puti.”

“No ismo king,” pagbasa niya.

“O anong ibig sabihin?” baling ko sa kanya.

“Bawal si ismo na isang hari.”

Hindi ko ba alam kung pinagtitripan niya nalang ako o hindi.

Umiling ako.

“Kita mo nang may drawing ng sigarilyo eh,” singhal ko. “Kaya nga may drawing para sa mga hindi marunong magbasa katulad mo!”

Napatawa nalang siya bago muling isiniksik ang sigarilyo sa kanyang boxer.

Kasabay nito ay inilabas niya ang cellphone na nakaipit din doon.

Di-keypad ang kanyang cellphone, makapal, vintage, na tila kahit ilaglag mula sa tenth floor ay hindi masisira.

“Teka lang,” wika niya nang doon idinikit ang makapal na telepono sa kaliwang tenga niya.

May tumatawag.

Dinampot ko nalang ang aking bag at umayos ng upo, sinilip ko ang oras sa aking cellphone at doon ko nakitang pasado alas syete na rin ng gabi.

“Sige. Sige. Papunta na ako.”

Biglang naging seryoso ang mukha niya.

Bigla na lang itong tumayo sa pagkakaupo. “Alis na ako. Bukas ulit.”

Walang pasabi ay mabilis niyang binaybay ang daan palabas ng cafe at hindi na hinintay pa ang sasabihin ko.

Walang modo.

Kahit pasasalamat man lang sa unang araw ng pag-aaral namin ay hindi ko narinig sa kanya.

Mabigat ang mga paa kong tumayo mula sa kinauupuan at tahimik na tinumbok ang daan palabas ng café.

Paglabas ko ng establisyemento ay agad akong sinalubong ng maingay na tunog ng kalsada, mga busina ng sasakyan, ugong ng makina, polusyon, at ilan pa ring halakhakan ng ilang estudyanteng nakatambay dito sa labas ng coffee shop.

Bahagya akong lumakad papunta sa waiting shed at doon naghintay ng jeep na masasakyan pauwi.

Hawak ang cellphone ay muli kong sinilip ang oras.

Halos tatlong oras din pala kaming nag-aral ng lalaking iyon.

Tatlong oras na puro reklamo, dura, maling bigkas, at pambubwisit.

Napabuntong-hininga nalang ako.

“Kirby?”

Napapitglag ako ng may pamilyar na baritong boses ang tumawag sa kanan ko.

Napabaling ako doon at bahagyang napalaki ng kaunti ang aking mga mata.

“Uy…” pag aalinlangan kong bati sa kanya.

“Kumusta ka?” bati nito, malawak ang kanyang ngiti na nakakapuwing sa aking mata.

Nakakasilaw.

Nakakairita.

Kailan pa siya umuwi? Bakit siya nandito? Anong ginagawa niya dito?

Ang lakas naman ng loob niyang magpakita sa akin.

“Okay lang, buhay pa.” Maasim kong pagngiti sa kanya.

“Kumusta sila Tito? Si Tita?” tanong pa niya.

“Ayos naman sila.”

Saglit na katahimikan ang namutawi sa aming dalawa. Saglit na nagpalitan ng tingin sa isa’t-isa, sinuri ang bawat detalye ng mukha, katawan, at ilang mga pagbabago sa porma, ayos, at itsura.

“Graduating kana ah,” hindi ba nangangalay ang bibig niya sa pagkakangiti?

“Oo nga eh,” tipid kong tugon.

Wala akong balak na magtanong sa kanya, hindi narin naman dapat pa.

“Ang gwapo mo pa rin.”

Napakuyom nalang ako ng kamao sa bulsa ko.

Para bang gusto kong sapakin ang mukha niya.

Hindi ako umimik dahil naiinis lang ako sa ngiti niya.

Aktong magsasalita pa ito ng doon kami nakarinig ng sunod-sunod at malakas na pagbusina.

Hindi tumitigil, tila sinasadya.

“Hoy!”

“Busina mo!”

“Hoy gago tabi!”

Napabaling ang tingin ko sa gitna ng kalsada at doon ko nakita ang may topak na lalaking iyon.

Sakay ng itim niyang vintage na itim na motor ay nakatigil siya sa gitna ng kalsada, walang pakialam sa sunod-sunod na busina ng mga sasakyang nasa likod niya.

May topak ba siya?

Nakabaling ang tingin niya dito sa may waiting shed.

“Sakay! Bilis!” tawag niya sa akin, seryoso ang mukha.

Tila nangti-trip lang.

“Hoy sumakay ka na!”

“Bilisan mo!”

“Perwisyo!”

Kung ano-ano na ang sigaw ng mga drayber sa likod niya.

Awtomatiko na lang na gumalaw ang aking mga paa papunta sa gitna ng kalsada.

“Nice to see you again, Kirby!”

Hindi ko na pinansin pa ang lalaking naiwan sa waiting shed kahit na gusto ko itong murahin ng malutong.

“Sakay! Bilis!” sigaw niya sa akin ng makalapit ako.

Baluktot na buntot akong sumakay sa motor niya, hiyang-hiya sa mga taong nakakakita, sa mga drayber ng jeep at sasakyan na akala mo naman ay sobrang tagal ang kinain sa oras nila.

Mabilis niyang pinaandar ang motor dahilan para mapakapit na lang ako sa bakal sa likod ng upuan.

“Anong trip mo!?” sigaw ko habang mabilis naming binabaybay ang daan.

Rinig ko nalang ang pagtawa nito.

“Sino ’yon?” usyoso niya habang natatawa pa rin.

Hindi ako sumagot.

“Syota mo ’yon?” tawang-tawa parin siya.

“Oo!” naisagot ko nalang sa kanya.

Tumahimik siya sandali.

“Bakla ka pala?” walang prenong banggit niya.

“Hindi halata…” dagdag pa nito.

“Bisexual,” pagtutuwid ko sa kanya.

“Ah…” tugon niya, “Anong ibig sabihin non?”

Kailan ba siya pinanganak? Hindi ba siya nanonood ng mga drama? Wala ba siyang mga kaibigan? Bakit parang pinagkaitan siya ng kaalaman dito sa mundo?

“Basta!” pagsuko ko nalang sa kanya.

Muli na lang siyang napatawa.

“Hindi mo naman syota yun eh.”

Napakunot-noo ako.

“Ano?”

“Sabi ko hindi mo naman syota yung lalaki kanina.”

“Paano mo nasabi?”

“Edi sana hindi na ’yon pumayag na turuan mo ako.”

“Anong connect?”

“Sa gwapo kong ’to?” mayabang niyang sambit. “Lahat ng mga babaeng napapadikit sa akin ay pinagseselosan ako.”

Napanganga ako sandali bago agad siyang hinampas sa likod.

“Hambog!”

Tumawa lang siya lalo.

“Mayabang!”

At mas lalo lang lumakas ang kaniyang tawa habang patuloy naming binabaybay ang magulo at maingay na kalsada ng Maynila.


Who’s ready for the ultimate romantic comedy between HUWAKIN EN KERBI?

Kabanata 3

B O D E G A

Akala ko’y ihahatid niya ako pauwi, ngunit hindi patungo sa amin ang direksyon ng motor.

Tumigil siya sa harap ng isang malaking bodega.

Nasisinagan ng maliwanag na buwan ang paligid, at kitang-kita na ang haligi ng bodega ay gawa sa tila pinagtagpi-tagping yero.

Tiyak na ito ang lugar kung saan ako gumising kahapon mula sa pagkidnap nila.

Matagal ko ng nakikita ang bodega na ito sa tuwing naglalakad ako, hindi naman kalayuan sa Barangay Tandang Sora pero parte pa rin ito ng distrito ng Pugad Lawin, ibang barangay nga lang ang kinatatayuan.

“Takte naman! Uuwi na ako. Marami pa akong gagawin,” atungal ko sa kanya ng tuluyan akong makababa sa motor niyang vintage.

“Mamaya na! Tara muna sa loob!” inis niyang anyaya sa akin, at hindi na ko nakatiis, naglakad siya patungo sa malaking pintuan ng bodega.

Napabuntong-hininga ako at dali-daling sumunod.

“Magandang gabi, Senyorito…” bati sa kanya ng lalaking bantay sa pintuan.

“Magandang gabi ho.” Pagbati naman niya sa akin.

Hindi na ako tumugon at sumunod na lang sa yapak ng lalaking ito papasok sa loob.

Pagpasok palang ay agad na sumalubong ang matapang na amoy ng bodega, amoy kalawang, amoy luma, amoy usok mula sa sigarilyo at sasakyan, at masangsang na amoy na tila bulok na basura.

Takip man ang aking ilong ay hindi iyon ang umagaw sa aking pansin.

Rinig ko ang malakas, at nakakatakot na pagsigaw ng isang lalaki sa gitna ng bodega. Tila humihingi ng tulong.

Mabilis akong bumaling doon.

Sa gitna ay may lalaking hubo’t-hubad na nakaupo, nakatali ang kanyang duguang katawan sa upuan. Agaw pansin ang tila spotlight na nakatutok sa kanya, na parang pinapakitang siya ang bida.

Napalunok ako.

Ito ba ang gusto niyang makita ko? Karahasan niya? Kapangyarihan? Sino ba ang lalaking iyon?

Dahan-dahan ang ginawa kong pagsunod sa kanya habang patuloy ang pagsigaw ng lalaki mula sa paulit-ulit na paghampas sa kanya ng latigo.

Maraming mga kalalakihan ang nakapalibot, tiyak na tauhan niya na walang ibang ginawa kung hindi tawanan at patuloy na pagkutya sa lalaking nasa gitna.

“Boss,” salubong sa kanya ng kalbo na si Cholo. Napatingin ito sa akin at muling bumaling sa lalaking nasa unahan ko, “Bakit niyo ho kasama si Kirby?” tila nag-aalala ang tono niya.

Hindi sumagot ang lalaking ito, bagkus ay lumapit siya sa lalaking nakaupo na patuloy ang pagsigaw.

“Pakawalan niyo na ako! Hindi ko alam lahat! Inutusan lang ako! Parang awa niyo na!”

Hindi ko na kinaya pang humakbang at sumunod sa kanya, hindi ko ’yon kayang titigan kahit na tingnan.

Lumapit sa akin ni Cholo, “Uy, bakit ka isinama ni Senyorito dito?” paghahanap niya ng sagot sa tanong na hindi niya nakuha sa senyorito niya.

Para sa kanila ay para bang normal lang ang nangyayari ngayon. O sadyang sanay lang silang makakita ng ganitong kaharasan?

“Aba malay ko.” Tugon ko habang pilit na iniiwas ang tingin sa kaawang lalaki sa harapan.

“Bago ka naming kapatid?” tanong niya na ipinagtaka ko, nakangiti pa siya na parang nagliliwanag ang mata.

“Ano?”

“Sabi ko kung bago ka naming kapatid? Kasapi ba, miyembro ng samahan namin…” paglilinaw niya.

Umiling ako, “Ako? Hindi! Ayoko! Ayoko kitang maging kapatid!” mabilis kong pagtanggi dahil balak pa ’ata niya akong isali sa samahan nila.

Napalaki naman ang butas ng ilong niya hudyat na hindi nagustuhan ang tugon ko.

“Eh bakit ka sinama dito ni Senyorito?” muli niyang tanong.

“Aba, malay ko sa kanya,” sagot ko, saka pinilit na ibaling ang tingin sa harapan.

Siya ngayon ay taimtim na kinakausap ang lalaki na patuloy ang pag-iyak.

“Joaquin pakawalan mo na ako parang awa mo na! May mga anak ako, may asawa, may naghihintay sa akin. Inutusan lang ako, wala akong alam!”

Pinili kong hindi pakinggan kung anong pinag uusapan nila.

“Sino ’yan?” patukoy ko sa lalaki sa harap.

“Tauhan ni Rigor,” sagot niya.

“Rigor?” baling ko.

“Akala ko ba ay mahal na mahal mo ang Tandang Sora? Bakit hindi mo kilala si Rigor?” tila inis na tono niyang sagot.

“Malay ko ba kung sino ’yung Rigor, hindi ko naman trabaho na kilalanin ang lahat ng tao sa Barangay.” singhal ko.

Muling tumingin si Cholo sa harapan at doon nagsimulang magkuwento ng isang bagay na dapat ay hindi ko na pinapakinggan pa.

“Nahahati sa tatlong teritoryo itong Pugad Lawin,” panimula niya kaya napatingin ako.

“Teritoryo o Barangay? Kasi tatlong barangay ang meron sa lugar natin…”

“Makinig ka nalang muna! Wag kang mag magaling!” singhal niya, napatikom na lang ang bibig ko.

“Tandang Sora, Toro, at Sangandaan,” patukoy niya sa tatlong Barangay na meron dito sa Pugad Lawin.

“Hawak ni Senyorito ang teritoryo ng Tandang Sora, sa kanya rin ang Sangandaan, samantalang si Rigor naman ang may kapit ng Toro.”

“Kaya pala hindi niya mapaganda ang Tandang Sora ay may hawak pa siyang ibang lugar…”

“Hoy, ulul! Naglinis na kami kanina sa Tandang Sora. Wala ka nang makikitang basura sa daan. Pwede ka na ngang matulog doon eh!” bigla naman niyang sabat.

“Edi maayos kung ganoon.”

“Si Rigor, gustong angkinin ang Tandang Sora. Sinimulang kontratahin ang ilang negosyante. Kung baga gusto niyang palawakin yung nasasakupan niya.” Paliwanag nito.

Kahit na malabo pa rin sa akin kung anong totoong trabaho nitong lalaking ito, bahagyang naiintindihan ko na kung paano gumagalaw ang kalakalakan nila, ngunit mas ramdam ko ang bigat ng kapangyarihan at takot sa paligid.

“Eh anong koneksyon niyang lalaki? Bakit niyo binubugbog, kulang na lang mamatay na ’yan.”

Kahit na sabihin kong hindi ba sila natatakot sa batas? Napagtanto ko na lang na ang lalaking ito nga pala ang batas dito sa lugar na ito.

“Tauhan ngani ni Rigor! Kulit mo ba!” inis nitong wika. “’Yang lalaking yan ay pagala-gala sa Tandang Sora, nangogontrata.”

Sunod-sunod ang pagpalatak niya at umiiling pa. “Ewan ko ba doon kay Rigor. Traydor.” Batid ang pagkadismaya sa boses niya.

Hindi ko na sinubok pang magtanong dahil wala rin naman akong pake.

“Sige, putulin niyo na dila niyan.” Rinig kong wika ng Senyorito nila at bago pa siya humarap sa akin ay nakita ko na lang ang aking sarili na tumatakbo palayo sa lugar na ito.

Dirediretso, hindi na lumingon pa kahit na narinig ko ang pagtawag niya sa akin, makaalis lang dito sa bodega na punong-puno ng bangungot. Para bang impyerno ang datingan ng lugar na ito.

Hindi ko kaya. Hindi ko kayang makita ang senaryong iyon. Parang hindi kayang tiisin ng prinsipyo, moralidad at pagkatao ko.

Karipas ang aking takbo habang iniisip na hanggang ngayon ay hindi ko malaman kung ano ba ’tong pinasok ko.

Para bang pinaglalaruan ako.

Hindi ko alam kung reyalidad pa ba ito o parte lamang ng isang pelikula na ako ang bida. Na ako rin ang sariling direktor na pumili ng magiging takbo ng istorya.

Gustuhin ko mang tumakbo at lumapit sa istasyon ng pulis, alam kong wala rin naman silang gagawing aksyon kapag sinabi kong si Joaquin ang gumagawa ng katarantaduhan.

Napapailing na lang ako hanggang sa tuluyan akong nakauwi sa bahay.

Ginawa ang aking trabaho. Mula sa paghuhugas ng plato, pagtatapon ng basura, paglilinis ng katawan, hanggang sa paghiga sa higaan para magpahinga.

Mula kanina at hanggang ngayon ay sobrang haba ng araw na ito. Na parang ngayon lang ito nangyari sa buong buhay ko.

Napatulala na lang ako sa kisame ng aking kwarto, at sa pagkakataong ito ay siya pa rin ang iniisip ko.

Tunay nga na siya ang batas.

Walang maglalakas ng loob na siya’y banggain, kahit na kwestyunin.

Dahil ang senaryong nakita ko kanina ay higit pa doon ang mga senaryong hindi ko pa nakikita. Tunay nga at hindi lang basta haka-haka ang mga kuwentong manginginom patungkol sa lalaking iyon.

Ang kanyang dahas. Ang kanyang kalupitan.

Ang pagpapatunay sa kanyang katagang The Prince of Slums.

Kilabot.

Nagtataasan ang aking balahibo sa takot. Na parang hindi ko siya kayang harapin pa bukas.


Kabanata 4

I M M A T U R E

Alas-sais na ng hapon. Unti-unti nang lumulubog ang araw, ngunit kasabay no’n ang lalo namang pagdagsa ng tao.

Sa kahabaan ng Carriedo Street sa Quiapo, kaliwa’t kanan ang mga nagtitinda ng samu’t saring street food at affordable na pagkain.

Fishball, kwek-kwek, isaw, palabok, dragon fruit shake, inihaw na pusit at marami pang iba. Kaya hindi na nakapagtatakang dinarayo ito hindi lang ng mga taga-Maynila kung ’di pati ng mga galing pa sa iba’t ibang lugar.

Mainit dito, talagang pagpapawisan ka. Maraming tao kaya maingay rin ang paligid, halo-halo na ang amoy ng usok, pagkain, mga mantikang paulit-ulit na ginagamit, at polusyon na tiyak pag uwi mo ay kulay itim ang kulangot mo.

Nakatapat sa akin ang puting mini-fan na nakapatong sa lamesa, kahit papaano ay may silbing hangin dito sa pwesto.

Nasa harapan kami ng isang puwesto ng fishball at kwek-kwek.

Magkaharap kaming nakaupo ni Joaquin habang nakalatag sa mesa ang kung anu-anong street food na kanina pa namin inuubos sa gitna ng pagtuturo ko sa kanya.

“I am…” turo ko. “Sabihin mo pangalan mo.”

“Ay em, Joaquin Rosales.”

“O tapos?”

“Ay lib in Tandang Sora. Bente syete anyos.”

“Anong bente syete? I’m twenty seven years old. Ayusin mo nga. Mula sa una, bilis!”

“Ay em Joaquin Rosales. Ay em tuwenti yirs owd. Ay lib in Tandang Sora.”

Napahawak na lang ako sa aking sintido. Sumasakit na ang aking ulo, at parang maya-maya lang ay may tutulong dugo sa ilong ko.

“Tama naman ako ah! Wala namang mali! Perpek na perpek!” singhal niya sabay hipak ng sigarilyo.

Hindi na ako nakipagtalo. Sayang lang laway ko rito.

Sumubo nalang ako ng kwek-kwek na mainit-init pa, dahilan para muli ko itong iniluwa sa tasa.

“Kadiri ka! Salaula mo namang kumain!” atungal niya.

Matalim ko siyang tinitigan.

“Kung itumba ko kaya ang motor mong mas malinis pa sa katawan mo?” inis kong saad habang tinuturo ang vintage niyang motor sa likod na mas makintab pa sa ulo ng isang kalbong senador.

“Hindi ka ba marunong maghilod? Ang kapal ng libag mo. Amoy baktol ka pa,” ganting banat ko.

Nakasando na naman kasi siya ng puti habang boxer shorts lang ang suot sa ibaba, si Pikachu naman ang nakaimprenta sa harapan.

Inamoy niya ang kanyang sarili bago ngumisi.

“Ulul! Tagsasampung libo ang pabango ko!” pagmamalaki niya.

“Hindi mo alam, nagkakandarapa sa harap ko ang mga babae at binabae maamoy lang ang itlog ko!”

Muli siyang humipak ng sigarilyo at binuga pa ang usok sa harapan ko.

Napasinghap nalang ako at tinakpan ang ilong ko dahil sa usok.

Alam niyo ba na mas delikado pa ang makasingot ng usok mula sa sigarilyo? Second-hand smoker. Mas mataas at higit pa ang content ng nicotine sa usok dahil hindi ito nasasala ng filter na meroon ang sigarilyo.

Masama ko lang siyang tinitigan hanggang sa napansin niyang nakatitig ako.

Tahimik niyang ibinato ang sigarilyo sa lapag bago tinapakan. Umiwas pa siya ng tingin sa akin na parang batang nahuling nagkasala.

Muli ko nalang isinubo ang kwek-kwek na iniluwa ko kanina. Hindi na ito mainit.

“Paano ka nagpakilala kay Seiko?” tanong ko, patungkol sa kanyang girlfriend na Hapon.

Bumaling siya sa akin at agad na ngumiti na parang aso.

“Unang kita namin? Hindi ako nagpakilala sa kanya.”

Natabig ko bigla ang mini-fan sa lamesa dahilan para malaglag ito sa ilalim. “Paanong hindi nagpakilala?”

Yumuko ako para pulutin ang mini-fan sa ilalim ng lamesa.

“Hindi ako nagpakilala,” ulit niya. “Tinakas ko siya doon sa kasiyahan sa bahay namin. Dinala ko sa motel.”

Natigilan ako sa ilalim ng mesa.

Sa pag-abot ko ng mini-fan ay doon rumehistro sa paningin ko ang ibaba ni Joaquin.

Napalunok ako.

Nakabukaka siya.

At nagkakamot.

Kinakamot niya si Pikachu na nakaimprenta sa boxer shorts niya.

Mariin akong napapikit bago mabilis na umayos ng upo.

“Naka-diaper ba siya?” hindi ko mapigilang tanong sa aking sarili dahil sa laki ng nakaumbok sa kanyang ibaba.

Para akong masusuka.

“Bakit namumula ka?” kunot-noong tanong niya.

“Wala kang pake,” singhal ko. “Paano ka nagpakilala?” muli kong pagbubukas sa kinukwento niya.

Diretso siyang nakatingin sa akin.

“Ang sabi ko, tinakas ko siya mula sa bahay namin. Dinala ko siya sa motel at doon ko siya binarurot ng batuta ko.”

Masama ko siyang tiningnan. Heto na naman siya sa kabastusan niya.

“Aba, totoo ang sinasabi ko!” natatawa niyang depensa.

“Doon kami nagkakilala. Hanggang sa hindi siya sumama sa magulang niya pauwi ng Dyapan. Mahigit limang buwan niya akong sinamahan dito. Naging kami kahit panay ‘yes,’ ‘no,’ at ‘alab yu’ lang alam kong sabihin sa kanya.”

Ngumiti nalang ako.

“Wow. Ganda ng love story niyo,” sarkastikong tugon ko.

“Siyempre naman!” taas-noo niyang sabi.

“Mahal na mahal ko ’yon. Kaya kung hindi niya kayang makaintindi ng Tagalog, edi ako ang mag-aaral ng Ingles, at kung hindi naman ako matuto ng Ingles, edi mag-aaral ako ng Dyapanis.”

Sa unang pagkakataon ngayong gabi, nakita ko ang tunay na sinseridad sa mga mata niya.

Napangiti ako nang bahagya habang pilit winawaksi sa isip ko ang nakita ko kanina sa ilalim ng mesa.

“Himala.”

“Ha?”

“Ang kailangan mo, himala,” wika ko. “Hindi ka na nga matuto ng maayos sa English, mag aaral ka pa ng Japanese?”

“…sa tingin mo ba sa loob ng isang buwan ay magiging fluent ka magsalita kung hindi ka naman seryoso sa pag-aaral at panay kabastusan lang ginagawa mo?” sermon ko.

Napangiti siya.

“Kaya nga kita kinuha eh. Syempre para turuan mo ako!” tugon niya.

Napailing ako.

Hawak ang aking mini-fan ay doon ko pinindot ng ilang beses ang switch dahil ayaw ng maglabas ng hangin. Fifty percent pa ang battery pero ayaw umikot nito.

“Nasira?” usisa niya.

Tumango nalang ako bago inilapag ang mini-fan sa lamesa.

Muli akong humarap sa kanya.

“Paano pala napadpad sa inyo si Seiko? Saang bahay? Kay Mayor?”

Tumango ito at muling nagkuwento.

“Taon-taon kasi ay may malaking pagsasalong nagaganap doon sa bahay,” simula niya.

Tahimik akong nakinig.

“May malaking negosyo si Papa sa Amerika. Sa laki ng negosyo niya ay madaming nag aagawan na mga tao…anong tawag doon…”

“Investors?”

“Oo ’yan, imbestor. Basta, madaming may gusto na mamuhunan sa negosyo ni Papa. Kaya taon-taon nagkakaroon ng pagsasalo sa bahay. Nagpupuntahan mga imbestor, galing silang iba’t-ibang bansa…”

“…may Yurop, Tsayna, Itali, Aprika, at Dyapan, basta madami. Tapos siyempre yung mga personal na nagpupunta ay talagang nabibigyan ng pagkakataon na maging kasosyo sa negosyo ni Papa.”

Napatango ako.

Gusto ko sanang itanong kung anong negosyo iyon, pero hindi ko na pinili. Sapat na muna ang mga impormasyong kusang ibinibigay niya.

“Imbestor yung pamilya nila Seyko, kaya doon ko siya nakilala,” dagdag niya.

“Sinong nagma-manage ng business ng Papa mo sa America kung abala siya dito sa Maynila?” hindi ko napigilang magtanong.

Ngumiti siya.

“Mga kuya ko,” tipid niyang tugon.

“Ilan kayong magkakapatid?” muli kong usyoso.

“Lima kami.”

“Pang-ilan ka?”

“Pangatlo.”

“Malas mo naman.”

“Ulul.”

Napatawa ako.

“Yung dalawa kong kuya, sila yung may hawak ng negosyo ni Papa. Mga matatalino ’yon, mga ano pa…kagalang-galang, tinitingala, parang ano ba…propesyonal ganon.” Nakangiti niyang pagkukuwento, halata ang paghanga.

Tumango ako.

“Yung dalawa ko namang nakababatang kapatid. Si Jericho ay Indyinir samantalang si Justin ay Arkitek, may sarili din silang negosyo dito sa Pinas.”

Hindi napuputol ang kanyang ngiti, para bang masaya siyang ikuwento ang kanyang mga kapatid.

“Kaya tuwing nagaganap yung kasiyahan sa bahay, silang apat yung madalas na humaharap sa mga bisita….”

Humina nang kaunti ang boses niya.

“…sila yung paborito ni Papa.”

Tahimik lang akong nakinig.

“Hindi ako marunong makipag-usap sa Ingles kaya hindi ako kilala nung mga imbestor. Hindi ko rin alam kung bakit, sinusubukan ko naman pero medyo mahirap lang talaga.”

“Ginusto mo bang humawak din ng negosyo ng Papa mo? Sa Amerika?”

Tumango siya.

“Dati.”

Saglit siyang tumingin sa malayo bago ngumiti.

“Pero ngayon hindi na.”

Bumalik ang tingin niya sa akin.

“Masaya na ako.”

Tahimik akong nakinig habang patuloy siyang nagsasalita.

“Masaya na ako sa buhay ko ngayon. Matapos kong makilala si Seyko, sigurado na ako sa gusto kong mangyari. Iyon ay ang pakasalan siya, magkaroon ng anak, at tumira ng payapa sa Dyapan.”

Napatango nalang ako.

“Tuwing kailan yung event sa inyo?” tanong ko habang umiinom ng malamig na gulaman.

“Ebent?” kunot-noo niyang ulit.

“Yung kasiyahan, event.”

“Ah…sa susunod na Linggo ’ata. Iyon ang teks sa akin ni Mama,” sagot niya.

“Pupunta ka?”

“Hindi.”

“Bakit ayaw mo?”

“Basta ayoko,” tugon niya. “Pinilit lang ako ni Mama noong isang taon kaya pumunta ako. Hindi naman ako nagsisi dahil doon ko nakilala si Seyko.”

Muli akong tumango.

“Pumunta ka,” suhestiyon ko.

“Sabi mo maraming foreigner doon. Magandang opportunity ’yon para ma-practice yung English mo. Malay mo, balang araw ikaw rin pala kunin ng papa mo para mag-manage ng business niya.”

Mabilis siyang umiling, halos wala pang isang segundo matapos kong sabihin iyon. Kitang-kita ang pagtanggi sa mukha niya.

“Bakit ayaw mo? Kinakabahan ka ano?” pang-iinis ko sa kanya.

“Ulul! Ako kakabahan?” mabilis niyang dispensa.

“Hindi naman pala eh,” natatawa kong tugon.

“Wala naman sigurong magpapahiya sa’yo doon. Maayos naman siguro relasyon niyong magkakapatid. Bakit hindi ka magpatulong sa kanila? Sabi mo nga professional at matatalino sila.”

Pagtango na lang ang tinugon niya bago nito iniwas ang tingin.

At doon ko nalang siya naintindihan.

Minsan, hindi naman talaga takot ang dahilan kung bakit umiiwas ang isang tao. Minsan pagod ka na lang maikumpara. Pagod ka nang maramdaman na ikaw ’yung pinaka-kulang sa isang kwartong puno ng magagaling.

Hindi ko maisip na ang isang tulad niya ay may ganitong itinatagong kuwento.

May mga pagkakataon talaga sa buhay natin na mabilis tayong mang-husga sa kung anong nakikita natin. Mas pinaniniwalaan natin yung nararamdaman kaysa sa katotohanan.

Kung baga isang uri ng propaganda, imbis na hanapin ang totoong sagot ay nagbabase na lang sa isang maling impormasyon.

Napatitig ako sa kanya habang nakabaling ang tingin sa iba, tila may pinagmamasdan at hinahanap.

Sa buong buhay ko, wala sa bokabularyo ko ang bumuo ng koneksyon sa kanya.

Sa totoo lang ay talagang kinaiinisan ko ang pangalan niya dahil sa ginagawa nito sa Tandang Sora. Kung paano niya hawakan sa leeg ang mga tao doon, manakot, manikil, kahit pa mang-alipusta.

Unexpected ba.

Pero sa oras na ito, alam ko na magandang oportunidad ang ginagawa ko, hindi lang para sa akin, kung hindi sa mga nakatira sa Tandang Sora.

Ayokong mabansagang ikalawang Tondo ang lugar namin, yung ideyang dadaan ka lang sa barangay namin ay lalabas kang may ice pick sa tagiliran.

Napailing ako bago sumilay ang ngiti sa aking labi, dinampot ko ang bag sa gilid ng upuan at inilabas ang tablet ko. Binuksan ko iyon at agad nagpunta sa application kung saan puwedeng manood ng videos.

‘Ms. Rachel’

Iyon ang tinype ko sa search bar. Ilang segundo lang ay lumabas na agad ang iba’t ibang videos mula sa kaniyang channel.

‘Baby Learning With Ms Rachel - First Words, Songs and Nursery Rhymes for Babies - Toddler Videos’

Pinindot ko ang video at mabilis na ipinatong sa harapan ni Joaquin ang aking tablet.

“Ayan panoorin mo,” utos ko sa kanya.

Mabilis naman niyang ibinaling ang tingin sa screen.

“Hi! Hello! Can you say Mama? Mama. Mama. Let’s sing it! Mama…”

Doon nagsimula ang video ng isa sa pinakamahusay na teacher para sa mga bata.

Wala naman akong narinig na reklamo mula sa kanya. Tahimik lang siyang nanood, seryoso pa ang mukha na para bang talagang may natututunan.

Napahinga nalang ako nang maluwag bago ipinagpatuloy ang pagkain ng natitira naming street food sa mesa.

Segundo.

Minuto.

Tahimik lang si Joaquin habang nakatutok sa tablet.

“Kirby?”

Napalingon ako sa lalaking nasa likod ni Joaquin.

Nakangiti ito na tila nagtataka kung bakit ako nandito sa gitna ng Quiapo.

“Uy, Menard,” bati ko sa kaklase kong kamukha ni Empoy Marquez.

Lumapit siya at binigyan ako ng high-five.

“Bakit nandito ka?” tanong niya bago napatingin kay Joaquin na tutok na tutok pa rin sa pinapanood. Ni hindi ata nito napansing may ibang tao na sa paligid.

Mabilis na bumalik ang tingin ni Menard sa akin. Nanlaki ang mata niya.

“Ka… kaibigan mo siya? Si Joaquin?” halos pabulong niyang tanong.

Umiling ako agad.

“Boss…” bulong niya habang nakatitig kay Joaquin. Saglit namang lumingon si Joaquin ngunit mabilis ding ibinalik ang tingin sa tablet.

“Angas mo, Kirby…” tila hanga niyang sabi bago siya muling bumulong sa akin, “Mukhang artista, lakas pala talaga ng dating niya,” dagdag pa niya.

Hindi na rin nagtagal pa si Menard at doon din siya nagpaalam.

Napabaling akong muli kay Joaquin at doon niya mabilis na ibinigay sa akin ang tablet, halos ihagis pa niya iyon.

“Ginawa mo naman akong bata.”

Ngayon pa siya nagreklamo? Eh halos thirty minutes siyang nakatutok sa panonood.

Ngumiti nalang ako at muling isinilid ang tablet sa bag.

Muling nakabaling ang tingin ni Joaquin sa paligid, wari’y pinapanood ang mas dumadaming tao dito sa Quiapo.

Dinampot ko ang stick ng kwek-kwek. Apat na maliliit na kwek-kwek ang nakatuhog dito.

“What is this?” tanong ko habang itinataas iyon sa harapan niya.

Bumaling siya sa akin at sumubok sumagot.

“Dit it a…”

“Ang tamang sasabihin mo ay that. That is…” pagputol ko. “Ulit. What is this?”

“Dat it a… kwek-kwek.”

“No,” umiling ako. “ This is a neon orange battered balls and quail eggs,“ pangtitrip ko sa kanya.

“Ulul. Kwek-kwek lang ’yan,” singhal niya.

“Ang hilig mo sa ulul. Hilig mong magmura, ganyan ba ang mapapangasawa ni Seiko?” inis kong turan sa kanya.

Hindi niya ako pinansin at muling tumingin sa paligid, tila naghahanap ng panibagong mapagtitripan.

“Wat it dat?” turo niya sa kabilang tindahan.

Sinundan ko ang direksyon ng daliri niya.

“That is a man,” sagot ko.

“Mali.”

Muli akong tumingin sa lalaking tinuturo niya. Nakatawa ito habang masayang nakikipagkuwentuhan sa mga kasama niya.

“Lalaki naman ah.”

“Mali ka,” pigil niyang tawa.

“Dat it a Bi…”

“What B?”

“Bi. Bingot.”

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay malakas na pagtawa ang ginawa niya. Tila ba tuwang-tuwa sa sariling biro niya.

Nagsalubong ang aking kilay, ’di ko gusto ang tabil ng kanyang bibig.

Tuloy lang siya sa pagtawa.

“Really?” malamig kong singhal. “Making fun of someone’s appearance? Is that funny to you? Do you think that makes you cool?”

Mukhang hindi niya naintindihan ang sinabi ko dahil muli siyang naghanap ng panibagong pagtatawanan.

“Wat it dat?” turo niya naman sa isang nagtitinda ng balut sa gilid, lalaking nakapulang dress at matingkad ang lipstick.

“Dat it a Bi ulit…”

“Bi por Bayot.”

Humagalpak na naman siya sa tawa.

“Bayot…” paguulit niya at tinuro pa ako habang tumatawa.

Doon ako tuluyang nainis.

Mahigpit kong naikuyom ang kamao ko.

Mabilis akong tumayo mula sa upuan.

“Anong problema mo?!” galit kong sigaw.

“No wonder no one tries to educate you, because you’re not just stupid! You’re also someone who has no emotional awareness!”

Nangingilid ang luha ko sa sobrang galit. Nagulat lang din ako sa inaasta niya.

Tumigil siya sa pagtawa. Unti-unting nawala ang saya sa mukha niya na para bang saka lang siya natauhan.

“Humanap ka ng ibang magtuturo sa’yo!” gigil kong dagdag.

“I don’t want to teach someone immature, homophobic, and insensitive! Act your age!”

Kinuha ko ang aking bag sa lapag at doon mabilis na umalis sa kanyang harapan.

Hindi na ako lumingon pa kahit na paulit-ulit niya akong tinatawag sa pangalan.

Hindi ako nagsisisi na lumabas sa bibig ko ang mga salitang iyon.

Dahil kahit hindi niya maintindihan lahat ng Ingles na sinabi ko, sana kahit papaano ay naramdaman niya kung gaano kapangit pakinggan ang mga salitang lumalabas sa bibig niya.


Kabanata 5

P A K Y U

Limang araw.

Limang araw kong binilang sa kalendaryo ang katahimikang wala siya.

Limang araw akong nakahinga ng maluwag mula sa presensya ng lalaking iyon.

Mula noong araw na iniwan ko siya sa gitna ng maraming tao sa Quiapo, hindi na ako nagpakita sa kanya. Nakailang tawag at text din siya sa aking number pero hindi ko ’yon sinasagot.

Pinili kong umiwas.

Dahil hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap ang inasta niya noong araw na iyon.

Hindi naman ako galit. Sadyang inis lamang at hiya ang nararamdaman ko para sa kanya, na para bang normal na sa kanya ang ganoong tulad ng asal.

May parte sa akin na nagsisisi sa paraan ng pag-alis ko, pero mas pinipili kong intindihin ang sarili ko kaysa piliting balewalain ang inis na naramdaman ko.

May isang sagot lang ang umiikot sa isip ko kung bakit ganoon ang ugali niya, at iyon ay ang kulang siya sa aruga…siguro sa pagmamahal na rin.

“Lalim ’ata ng inisiip mo, anak?”

Naputol ang pagtitig ko sa kawalan nang marinig ko ang boses ni Papa.

Alas-otso ng gabi, nandito ako sa likod ng stante at tumatanggap ng mga order. Si Papa ay patuloy sa pagpaypay ng mga inihaw, habang si Mama naman ay pansamantalang bumalik sa loob ng bahay dahil hindi maganda ang kanyang pakiramdam.

“Ano po?” baling ko sa kanya.

“Ang sabi ko, malalim ’ata ang iniisip mo.” May itinuro siya sa harap ko, “May customer, anak. Kanina pa naghihintay sa ’yo.”

Bumaling ako sa harap, “Ay sorry,” paghingi ko ng pasensya sa babae na kanina pa nga ’ata naghihintay.

Gago kasi ’yong si Joaquin, pahamak.

“Anong sa inyo?” napatayo ako.

“Tatlong isaw. Dalawang adidas at isang ulo.” Tinanggap ko naman ang order niya at doon kumilos para ibigay ito kay Papa.

Nagtagal pa ng ilang oras ang aming pagtitinda bago tuluyang nagsara ang aming tindahan.

Tulad ng gawi, nandito ako ngayon sa lababo para hugasan ang mga pinag-gamitan sa aming tindahan.

Sa likuran ko naman ay sina Mama at Papa, parehong nakaupo sa hapag habang magkasamang binibilang ang kinita namin ngayong araw.

Tahimik lang akong naghuhugas nang biglang magsalita si Papa.

“Anak.”

Hindi ako lumingon. Patuloy lang sa pagkuskos sa baso.

“Bakit ho?” tugon ko.

“Bakit parang wala ka sa wisyo nitong mga nagdaang araw?” tanong niya, “May problema ka ba?” batid ang kanyang pag-aalala.

Napatigil ako sa pagkuskos ng baso.

Nakahinga nga ba talaga ko sa presensya ng lalaking ’yon?

Bakit tila iba ang interpretasyon ng mga taong nakapaligid sa akin?

Dahan-dahan akong umiling.

“Anong sabi ko sa ’yo anak? Kapag may problema ka ay sabihin mo sa amin. Huwag kang mahihiya,” pagpapatuloy na usap ni Papa.

Saglit na katahimikan.

Pagkatapos ay bigla siyang nagsalita muli.

“Binasted ka ba ng nililigawan mo?”

“Boyet! Wag mong asarin si Kirby,” agad na saway ni Mama mula sa likod.

“Aba bakit?” natatawang depensa ni Papa. “Malay ba nating may bago na siyang nililigawan?”

“Matagal na rin noong may huli siyang dinala dito sa bahay…”

“Boyet!”

Napangiti nalang ako habang nakatalikod sa kanila.

Bukas ako sa kanilang dalawa. Hindi ako nahihiyang mag kwento ng mga bagay na dapat ay alam nila. Tulad nga ng sinabi ko ay lumaki ako sa pamilyang mapagmahal at maunawain.

Alam nilang dalawa kung anong sekswalidad ko.

Dalawang tao na rin ang naipakilala ko sa kanila noon. Ang girlfriend ko noong grade twelve, at ang lalaking gago noong nakaraang taon lang.

Hindi ako nahihiya o nagaalinlangang sabihin sa kanila kung sino ako, dahil sa huli ay alam kong tatanggapin at tatanggapin nila ako.

Siguro premium package ang nasubscribe-an ko sa buhay.

Mapagmahal na pamilya, maunawain, at mga mukhang artista. Ganoon din ang aking itsura na hindi ko ikinakahiyang ipakita sa iba. Mabuting mga kaibigan, maayos at matiwasay sa aking pag-aaral.

Halos wala na akong mahihiling pa.

Pero syempre, dito sa mundo ay walang perpekto.

Dahil sa premium package na ’yon, may libreng virus.

May defect.

May sira.

“Ano kayang pumasok sa utak ng anak ni Mayor? Unti-unting nagbabago ang Tandang Sora…” muling sambit ni Papa.

“Grabe ka naman kay Joaquin, mahal…” sagot naman ni Mama.

Patuloy ako sa paghuhugas.

“Naku, mahal,” buntong-hininga ni Papa. “Sa lahat ng anak ni Isko, siya lang talaga ang pariwara.”

Napahinto ako sandali.

Nasabi ko ba sa inyong magkaibigan sila Papa at si Mayor? Ang alam ko ay magkasanggang dikit sila noong college.

Ewan ko nalang ngayon.

Hindi na ako nakisawsaw pa sa koneksyon nilang dalawa kaya wala akong gaanong alam tungkol kay Mayor. Ang alam ko lang, tulad ng ibang pulitiko, may bango rin at may baho ang pangalan niya rito sa Maynila.

Muli akong napatigil sa paghuhugas.

“Si Jerome at Juanito, successful businessmen sa Amerika. Maganda buhay.” pagpapatuloy ni Papa.

“Si Jericho at Justin naman, mga professional. May kanya-kanyang trabaho at negosyo.”

Naririnig ko ang bawat salita habang patuloy kong hinuhugasan ang mga plato.

“Yung batang ’yon lang talaga ang pariwara. Parang walang direksyon sa buhay. Mas piniling mabuhay sa kalye kaysa ituloy ’yung pag-aaral niya. Inuuna ang kasarapan kaysa gamitin utak niya.”

Hindi ko alam kung bakit, pero parang may kung anong kumirot sa dibdib ko habang pinakikinggan si Papa. Parang nabibingi rin ako.

“Boyet,” mahinang saad ni Mama. “Iba-iba ang gusto ng tao.”

Huminto si Papa sa pagsasalita.

“Iba’t-iba ang kakayahan. Iba-iba ang talino. Iba-iba ang pangarap at ang gustong mangyari sa buhay, at iba’t-iba ang desisyon nila.”

Itinuloy ko ang ang paghuhugas ng plato habang tahimik na nakikinig sa kanila.

“Bakit si Isko?” pagpapatuloy ni Mama. “Hindi ba sabi mo, naging pariwara rin naman siya noong college kayo?”

“Bago siya naging mayor, nagrebelde rin siya sa mga magulang niya…”

“…naging tambay din naman kayo sa Tondo, diba? Ang kaibahan lang, mas takot ka kina Mama at Papa mo.”

Napangiti ako ng bahagya.

“Baka ganoon si Joaquin.” dagdag ni Mama. “Binata pa rin naman siya. Baka naghahanap lang ng tamang direksyon.”

“…o baka nakahanap lang din siya ng tulad mo noon…ng kaibigan. Ng taong gagabay.”

Unti-unti akong napahinto sa paghuhugas.

“Hindi ba sabi mo, dati parang impyerno ang barangay na ’to?” patuloy ni Mama. “Pero nitong mga nakaraang linggo, parang nagbago. Mas tahimik. Mas malinis. Nawala ’yung mga nagsisigawan at habulan sa gabi.”

“May mga taong sinusubok lang talaga ng buhay,” mahinahon niyang dagdag.

“At may mga taong naghihintay lang ng tamang oras…at tamang pag-gabay.”

Hindi ko namalayang malawak na pala ang pagkakangiti ko.

“Pero kung sa bagay, iba na rin ang ugali ni Isko. Kapag talaga kinain na ng pera ang utak, nakakalimot sa mga taong tumulong sa kanila,” habol na pagdadahilan pa ni Papa bakas ang pagkadismaya.

“Hayan mo na sila. Masaya naman na tayo ah. Basta lahat ng nangyayari sa buhay ng tao ay may dahilan.”

“Sus! Kaya mahal kita eh!” tila pagmamayabang ni Papa. “Pahalik nga!” rinig kong dagdag niya.

“Boyet!”

Napuno nalang ng tawanan ang gabing iyon.

At sa totoo lang, walang tao sa mundong hindi gugustuhing umuwi sa ganitong klase ng tahanan.

Katatapos ko lang maglinis ng aking katawan.

Suot ko ngayon ang asul kong pajama at maluwag na t-shirt habang papasok sa kwarto, hawak ang tuwalyang ipinampupunas ko sa basa ko pang buhok.

Tahimik ang paligid. Tanging tunog lang ng electric fan at mahinang tahol ng aso sa labas ang maririnig.

Dahan-dahan akong umupo sa study table habang hawak ang cellphone ko.

At tulad ng inaasahan, bumungad agad sa akin ang mga text niya.

Panay mura.

“Hoy”

“Tanginamo”

“Saan kana”

“Magpakita ka”

“Bugbugin kita”

“Pakyu ka”

“Pakyu”

Napatawa nalang ako nang mahina.

Sa simpleng pagbabasa ko palang ng mga text niya, parang naririnig ko na agad sa isip ko ang boses niya. Iyong paangas niyang tono na akala mo ay kaaway ang pinakabobong senador sa gobyerno.

Hindi ko iyon nireplyan.

Tahimik ko lang inilapag ang cellphone sa mesa. Isinampay ko ang itim kong tuwalya sa likod ng upuan bago ko tuluyang inabot ang librong nasa gilid ng lamesa.

At sa paglalim ng gabi ay pilit ko nalang kinumbinsi ang aking sarili na wala akong pakialam sa kanya.


Kabanata 6

C H O L O

“Balita ko gumaganda na raw sa inyo? Baka ito na ang tamang pagkakataon para maidala ko na ulit motor ko sa harapan ng bahay niyo. Walastik kasi sa Tandang Sora eh. Lilikot ng kamay ng mga tao. Ubos ang dalawang buwan kong allowance sa mga piyesang ninakaw sa motor ko.”

Si Lance.

Alyas Brent Manalo na sampung ligo ang kulang.

Kaibigan ko mula pa noong elementary.

Tingin ko nga minsan may lihim itong pagtingin sa akin dahil hanggang college ay sinundan pa rin ako. Eh wala naman siyang interes sa kursong kinuha namin, ni hindi mahilig sa balita, tamad magbasa, at mas kabisado pa yata schedule ng liga kaysa schedule ng exams namin.

Basketball at babae lang ang alam ng gagong ito.

Isa siya sa mga taong saksi kung gaano kawalanghiya ang mga tao sa Tandang Sora.

Noong isang buwan kasi, pumunta siya sa bahay. Iniwan niya sa labas ang motor niya kahit paulit-ulit ko nang sinasabing ipasok sa bakuran. Ayaw makinig. Kesyo raw wala namang magkakainteres sa motor niya.

Eh ginabi kami.

Paglabas namin ng bahay, wala na ang dalawang gulong ng motor niya.

Literal na nakapatong na lang sa hollow blocks.

Gago kasi.

Mayaman naman sila kaya hindi na rin niya nireport sa pulis. Tutal, sabi nga niya, wala rin namang mangyayari.

“Tagal mo naman.” Atungal niya.

Nasa may pintuan ito, nag-aantay sa paglabas ko. Nakasakbit ang kanyang violet na hawk bag, habang pulidong-pulido ang pagkaka-gel ng kanyang buhok.

Para ngang si Brent Manalo, kulang lang talaga siya sa ligo.

Katatapos lang ng orientation sa aming mga graduating, kung anong mga need pang i-accomplish sa mga natitirang araw namin dito sa campus.

At bago umuwi ay magkakaroon kami ng meeting ng mga ka-grupo namin sa thesis, nagkaroon kasi ng problema kaya amin itong pag-uusapan. Ito na lang ang isa sa hadlang namin para makapag-martsa.

“Ito na nga. Masyado kang atat,” saad ko habang isinasakbit ang bag ko sa balikat bago lumapit sa kanya.

“Edi gumagana pala secret agenda mo?” bungad niya habang sabay kaming lumalabas ng classroom.

“Ano?” kunot-noo kong tanong.

Binabaybay na namin ang hallway papuntang students backyard kung saan doon ang sinabing tagpuan ng meeting namin.

“Ang sabi ko gumagana yung agenda mo. Yung pagtuturo mo diyan kay Joaquin.”

Si Lance lang ang nakakaalam na tinuturuan ko ng English ang lalaking iyon. Hindi naman siya nagulat nang ikwento ko, pero tinawanan niya lang ako at kinutya pa si Joaquin nang ilang araw.

Tumango nalang ako.

“Gumagana nga,” ani niya. “Nagbabago na raw ang Tandang Sora eh.”

Rinig ko ang mahinang pagbungisngis niya.

“Baka naman may iba ring nagbabago sa ’yo ha?” makahulugan niyang dagdag.

Napabaling akong saglit sa kanya bago muling tumingin sa aming nilalakaran.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Diba type mo ’yung mga gano’n?” pang-aasar niya. “Mga badboy-badboy. Mala-gangster ang galawan.”

Hindi ako tumugon.

Nakatuon lang sa harapan habang umiiwas sa mga estudyanteng naglalakad pasalubong sa amin.

“Baliw,” tanging nasabi ko.

Napatawa siya nang malakas.

“Sus. Tatanggi pa. Eh ganoon nga rin ang galawan ng ex mong duling” pangkukutya pa niya habang tumatawa.

“Gago.”

“Cali! Cali! Hintayin mo ako!”

Napalingon kami pareho sa lalaking papatakbo palapit sa amin, tila may hinahabol. Pamilyar ang mukha niya, isa sa mga varsity ng school.

Napatingin doon si Lance.

“Hoy, Amir! Seven-thirty daw sabi ni Coach!” sigaw niya.

“Sige, boy! Mamaya!” sigaw pabalik ng lalaki bago muling tumakbo papunta sa kasama niya.

“Kasamahan ko sa basketball. Anthropology ang course,” wika niya.

“Hindi ko tinatanong.”

“Gago.”

Napatawa kaming dalawa.

“Pero seryoso nga,” muling pangungulit niya matapos ang tawanan namin.

“Ano na naman ba?” iritado kong singhal.

“Anong gagawin mo?”

“Saang anong gagawin?”

“Bumalik na si Gabo, A.K.A ang ex mong duling?”

Patuloy lang kami sa paglalakad habang nagsasalita siya.

Napabuntong-hininga ako.

“Aba ano gusto mong gawin ko?” sarkastiko kong tugon.

“…bigyan siya ng welcoming party? Maglatag ng red carpet sa harapan ng bahay namin at yayain siya? Ano? Ituloy namin ang planong pagpunta ng Batanes? Ano? Magmakaawa sa kanya na bumalik kami sa dati?”

Napataas ang kilay ko habang tuloy-tuloy sa pagsasalita.

“O itanong kung bakit ipinagpalit ako sa lalaking parang mais ang kulay ng buhok?”

Napatawa si Lance sa sinabi ko.

“Wala na siyang babalikan pa,” diretso kong sabi. “Matagal ko na rin siyang kinalimutan…”

Saglit akong tumingin sa kanya.

“Hindi lang basta kinalimutan. Binura ko siya sa buhay ko.”

Tahimik siyang nakinig habang naglalakad kami.

“Alam mo naman na hindi ako naniniwala sa second-second chance na ’yan kapag cheating na ang pinag-uusapan,” dagdag ko. “Kapag pangloloko na, wala nang second chance doon.”

Tumango siya.

“Oo, minahal ko siya. Pero sino bang nagloko?” mapait kong tanong. “Hindi ako.”

Huminga ako nang malalim bago nagpatuloy.

“Kapag binalikan ko siya, sinong talo?”

Bahagya akong napangisi.

“Ayokong maging gago.”

Napangiti si Lance at bigla pang pumalakpak.

“That’s my best friend!” sigaw niya sabay akbay sa akin.

“Tayo na lang kaya?” biro pa niya.

“Gago! Susumbong kita kay Ella,” banta ko habang natatawa.

Sabay na lang kaming nag tawanan habang mabilis na binabaybay ang daan papunta sa meeting namin.

Sa pabilog na lamesang gawa sa bato, nakaupo kaming magkakagrupo para pag-usapan ang thesis namin.

Nasa harapan ko si Leila habang hawak ang kanyang tablet at notebook, seryosong-seryoso sa pagre-report na parang isang totoong producer ng documentary show.

“Nag-backout si Vice Mayor sa Cainta,” paliwanag niya. “Nagkaroon daw ng emergency sa family nila. Yung attorney naman sa Cubao, hindi ako makakuha ng maayos na response from him, kaya pupuntahan namin mamaya ng brother ko para sana this week makapag-record na tayo.”

Si Leila.

Mukhang Andrea Brillantes ang wangis niya.

Sa section namin, kaming dalawa ang madalas ilaban sa pageants at school events. Siya iyong tipong kahit simpleng ponytail lang ay mukha pa ring artista.

Apat lang kami sa grupo. Ako, si Lance, si Menard, at si Leila.

“Ibig sabihin kulang tayo ng isang tao?” tanong ni Menard.

Tumango si Leila.

Bukod sa manuscript namin, parte sa aming thesis ay ang gagawin naming video documentary tungkol sa mga leader, mga nagsisilbi sa bayan at sa tao, sila ang gagawan namin ng kuwento sa pamamagitan ng kamera.

“Baka may kilala pa kayong mga public servant,” suhestiyon ni Leila. “It can be a kagawad, SK chairman, councilor, or even the barangay captain.”

Tahimik kaming napaisip.

Napatingin ako kay Lance sa tabi ko, nakatingala pa ito na akala mo naman ay may iniisip ang gago. Tiyak na ang laro nila sa basketball mamaya ang umiikot sa utak niya.

Napangiti nalang ako.

“Kirby.”

Napabaling ako kay Menard.

“Bakit?”

“Kaibigan mo si Joaquin diba?” tanong niya.

Naalala ko agad na nakita nga niya pala kami sa Quiapo noong isang linggo.

“Sinong, Joaquin?” usisa ni Leila.

“Si Joaquin. Yung alamat sa Tandang Sora,” paglilinaw ni Menard.

Bumaling sa akin si Leila.

“Is he your friend, Kirby?” batid sa kanyang mukha ang pagtataka.

Hindi ko alam kung anong isasagot ko.

Kaibigan ba?

Tutor?

Problema?

Sakit sa ulo?

O baka naman…virus?

“Oo,” biglang sabat ni Lance bago pa ako makapag-isip. “Kaibigan namin ’yon.”

Inakbayan pa ako habang nakangisi.

Lumiwanag naman ang mukha ni Leila.

“That’s good!” masigla niyang sabi. “Pwede kaya siyang pumalit kay Vice Mayor? Para hindi na tayo mahirapan humanap ng iba. Since friend niyo naman siya, baka pwedeng siya na lang ang interviewhin natin.”

Natigilan ako.

Parang biglang tumigil saglit ang paligid ko.

Hindi ako makagalaw.

Hindi rin ako makasagot.

“Sige-sige!” si Lance na naman ang sumagot para sa’kin. “Sabihan na lang namin si Joaquin mamaya.”

Gusto ko siyang sakalin.

“Yehey! So, wala na tayong problem ha,” masayang sabi ni Leila. “Make sure nalang namin mamaya si Attorney, tapos magme-message ako sa group chat natin regarding sa agenda and tasks this week.”

Halata ang saya sa mukha niya habang tinatapos ang meeting.

Pagkatapos no’n ay sabay nang umalis sina Menard at Leila, habang ako naman ay naiwang tulala sa kinauupuan ko.

Samantalang si Lance?

Wala nang ginawa kundi tumawa.

Dinagdagan pa talaga ang problema ko.

“Gago ka!” inis kong sabi habang nakatingin sa kanya.

Lalo lang siyang tumawa.

“Para naman makita ko nang malapitan ’yang tutee mo,” ani niya. “Pwede ko na rin siyang singilin sa mga ninakaw ng mga taga-Tandang Sora sa motor ko.”

Tila ba wala siyang takot sa sinasabi niya.

Hindi ako sumagot.

“Kung ang iniisip mo ay yung interview. Pwede namang tagalog ang isagot niya diba.” Suhestiyon pa niya.

Umiling ako.

“Hindi ’yon ang iniisip ko,” sagot ko. “As if kasing papayag ’yong mainterview siya, eh nabuhay ang lalaking yon sa panahon ni Mang Kepweng. Baka yabangan lang kayo.”

“Hindi ’yan,” kampante niyang sagot. “Wala na siyang magagawa kapag nandoon na tayo.”

Napailing nalang ako bago kami tuluyang tumayo ni Lance at binaybay ang daan papalabas ng campus.

Pero ang totoo?

Hindi interview ang iniisip ko.

Ang iniisip ko ay kung paano ko kakausapin si Joaquin matapos ko siyang iwasan ng limang araw.

Paano ko sasabihin na kailangan namin siya sa thesis gayong ako mismo ang umiwas sa kanya?

“Ang baho!” atungal ni Lance at napatakip ito ng ilong.

Napasinghap din ako.

“Tumatapon ang pabango mo…” pang-aasar ko sa kanya at ganoon din ang ginawa kong pagtakip ng ilong.

Amoy baboy kasi.

Iyong amoy na sumisiksik talaga sa loob ng ilong mo. Iyong tipong kahit pigilan mo ang paghinga mo ay parang kumakapit pa rin sa balat mo.

Iyong amoy na maaalala mo kahit makalipas ang ilang oras.

At hindi nga ako nagkamali.

Paglabas namin ng gate ng campus, bumungad agad sa amin ang isang malaking truck na puno ng baboy.

Nakapark iyon sa mismong harapan ng campus.

May mga baboy pa sa likod na nag-uunahan sa pagngawa na parang humihingi ng tulong sa langit.

“Bakit may ganyan dito?” atungal ni Lance habang nakatingin sa truck, hindi mawarian ang kanyang mukha na nakabusangot dahil sa amoy.

Pareho naming sinusuri ang sasakyan ng bigla itong bumusina nang sunod-sunod.

Kasabay no’n ay may sumigaw mula sa driver seat.

“Kirby!”

“Kirby!”

Napasilip kami pareho sa harapan ng truck.

“Kirby! Sakay!” sigaw ng lalaking nasa driver seat. “Halika na! Sakay ka!”

Nanlaki mata ko.

“Anak ng baboy…” hindi ko mapigilang sambit.

Si Cholo.


Kabanata 7

B A R

Isang malutong na pagsaludo gamit ang gitnang daliri ang ibinigay ko kay Lance habang unti-unting umaandar ang truck na sinasakyan ko palayo sa harap ng campus.

Hindi lang basta truck.

Truck ng mga baboy.

Literal.

“Sino ’yon?” usisa sa akin ni Cholo na hawig talaga ni Aang.

“Kaibigan ko,” tugon ko naman sa kanya.

Akala ko sasamahan ako ni Lance. Akala ko tutulungan niya akong makatakas mula rito kay Cholo na parang kidnapper sa tanghaling tapat.

Pero hindi.

Mas pipiliin pa ng gago iligtas ang bola nila sa basketball court kaysa iligtas ang kaibigan niyang kinakaladkad papunta sa kung saan.

“Kanino ba ’tong sasakyan?” taka kong tanong sa kanya habang pilit na tinitiis ang masangsang na amoy ng baboy.

Diretso lang ang tingin niya sa kalsada.

“Hindi ko alam eh,” kampante niyang sagot. “Hiniram ko lang. Nakaparada kasi doon sa harap ng bar.”

“Bar?”

“Oo, bar.” Tumawa pa siya. “Doon tayo pupunta. Pinapasundo ka ni Senyorito.”

Napakunot noo ako.

“Bar? Sa katirikan ng araw?” litanya ko. “Sinong matinong tao ang magpapakalasing nang hindi pa lumulubog araw? Ang init-init o.”

Napatawa siya.

“Kirby,” makahulugan niyang panimula. “Ang buhay natin, ipinahiram lang.”

Napabaling ako sa kanya.

“Hindi mo alam kung kailan ’yan babawiin. Kaya habang buhay ka, gawin mo lahat ng gusto mo.”

Ngumisi siya.

“Magpakasaya ka. Tulad ni Senyorito. Hapi-hapi lang.”

Hindi ako sumagot.

Kasi sa totoo lang, hindi ko alam kung matatawa ako o maaawa sa mga taong ginagawa nang personalidad ang pagiging gago.

KTV Room Bar Club

Punong-puno ng mga sumasayaw na laser lights ang buong kwarto, maliwanag kahit patay ang ilaw.

Malawak ang silid.

May mahabang sofa na nakapalibot halos sa buong dingding.

Malaki at pabilog naman ang coffee table sa gitna na punong-puno ng iba’t-ibang uri ng alak at beer, may mga pulutan din tulad ng sisig, chicharon, mga inihaw at ibang street foods.

Ang buong paligid ay lunod na lunod sa amoy ng usok ng sigarilyo, na parang wala silang pakialam kahit paulit-ulit silang umuubo.

Maingay ang buong kwarto.

May sumisigaw. May nagtatawanan. May nagkukwentuhan. May mga halinghing na pilit tinatabunan ng malakas na tugtog.

Nasa loob ang mga lalaking tauhan ni Joaquin, halos nasa labing lima sila. At bawat isa sa kanila ay may kayakap o kausap na babae na halatang binabayaran para samahan silang uminom.

At sa gitna ng lahat ng kaguluhang iyon…

Nandoon si Joaquin.

May hawak na mikropono.

Nakatayo sa gitna ng silid na parang siya ang bida sa sariling concert.

Nakatapat siya sa malaking LED screen habang buong puso niyang kinakanta ang isang sikat na English song mula sa pelikulang Space Jam.

“Ay bilib ay i ken play…”

Pumipikit pa siya habang kumakanta.

“Ay bilib ay ken tats da iskay…”

May paangat-angat pa ng kamay.

“Si eni badi badi na ende…Spre mawi en pla awe…”

Feel na feel ng Senyorito ang pagkanta. Para bang siya mismo ang nagsulat, nag-compose, nag-produce, at kumanta ng I Believe I Can Fly.

At mas nakakabahala?

Walang pumipigil sa kanya.

Sa halip, lahat pa ng tauhan niya at mga babaeng kasama nila ay todo palakpak at sigawan.

Para bang wala silang pakialam kahit mali-mali ang lyrics niya kahit kitang-kita naman sa screen ang totoong liriko ng kanta.

“Ay bilib ay ken so… Asi me rani tu dat open dor..”

“Bossing!”

Biglang bumukas ang pintuan at doon naputol ang concert ni Joaquin.

Iniluwa ng pintuan si Cholo, kasama ang lalaking anim na araw na siyang hindi pinapansin.

“Tae! Huwag mo akong hilahin, Cholo!” atungal ko habang pilit na kinakaladkad niya papasok dito sa isang sikat na bar.

Napapatakip nalang ako ng mukha dahil sa hiya, ang aga-aga kasi ay itong lugar na ito ang inaatupag nila.

“Tara na bilis!” mabilis naming tinumbok ang isang pribadong kwarto.

Sa labas palang ay may naririnig na akong kumakanta, pamilyar ang boses dahil pilit na kinakanta ang isang English song kahit pilipit ang kanyang dila.

Pagkabukas palang ng pinto ni Cholo ay doon na agad sumalubong sa akin ang matapang na amoy ng sigarilyo.

“Bossing!” sigaw ni Cholo nang tuluyan kaming nakapasok sa loob. Automatic namang sumara ang pinto ng kwartong ito.

Binatawan niya ako sa pagkakapait sa aking kanang kamay.

Nakatayo ako sa gilid ni Cholo habang inililibot ang paningin sa buong kwarto. Napahawak pa ako sa strap ng bag ko sa likod.

Madilim, laser lights ang nagsisilbing liwanag, mabaho, matapang ang amoy dahil sa pinaghalong usok ng sigarilyo at mga alak na nakahain sa gitna ng lamesa.

Madaming tao. Halos nasa trenta sila, mga lalaki, at tila mga bayarang babae dahil sa kanilang suot at ginagawang pagyapos sa mga lalaking ito. Mga tauhan niya ’ata, at lahat sila’y nakabaling ang tingin sa akin.

Ang aking tingin naman ay napabaling sa isang lalaking nasa gitna.

Nakasuot ito ng denim jacket at puting sando sa loob, black pants, at tila makapal na sapatos.

Bihis na bihis ang gago, parang feel na feel talaga ang concert na ginagawa niya.

Seryoso siyang nakabaling sa akin, habang hawak-hawak niya ang mikropono.

Pinangdidilatan ko naman siya habang doon pinapakinggan ang pag sigaw ni Cholo sa tabi ko.

“Mga kasama!” sigaw ni Cholo sa tabi ko. “Ang bago nating kapatid sa pamilya!”

Napakunot noo ako.

Ano raw?

Biglang nagsigawan at nagpalakpakan ang lahat.

“Si Kirby!” sigaw ni Cholo. “Na kamukha si Jollibee!”

“Kirby!”

“Kirby!”

“Kirby!”

Halos mabingi ako sa sigawan nila.

May ilan pang tumayo na parang mga baliw habang pumapalakpak.

“Si Kirby ang dahilan kung bakit muling gumaganda ang Tandang Sora!” sigaw muli ni Cholo.

“Siya rin ang dahilan kung bakit mas masaya si Senyorito ngayon!”

“Kirby!”

“Kirby!”

“Kirby!”

Muli nilang sigaw.

Napabaling ako ng tingin kay Joaquin, seryoso pa rin ang kanyang mukha.

“Kaya ngayon!” sigaw muli ni Cholo. “Lalasingin natin si Kirby!”

Mas lumakas ang sigawan.

“Lasingin si Kirby!”

“Lasingin si Kirby!”

“Lasingin si Kirby!”

Biglang humila si Cholo ng limang babae mula sa harapan at walang sabi-sabing itinulak ang mga ito papunta sa akin.

Napasinghap ako nang masalo ko sila.

Limang babae na sobrang iikli ng suot na shorts at manipis ang kanilang suot na mga sando.

Agad nilang ipinaikot ang mga kamay nila sa braso, dibdib, at balikat ko.

“Hi, Kirby.”

“Ang bango mo naman Kirby.”

“Ganito ang mga type ko, mga bad student.”

“Pareho tayo, gusto ko yung mga nagka-cutting sa klase.”

“Ang gwapo mo naman, Kirby.”

Mahihinang bulong nila sa akin, at ang tono ng kanilang boses ay tiyak na nang-aakit.

Rinig ko ang mas lumakas na sigawan ng mga lalaki sa harapan.

Napalunok ako at mabilis na bumaling kay Joaquin.

Pinangdilatan ko siya.

Tahimik na paghingi ng tulong.

Tila naunawaan naman niya ang gusto kong iparating dahil doon nagsalubong ang kanyang mga kilay at mabilis na humakbang papunta dito sa pwesto ko.

“Huwag niyo ngang hawakan ’yan!” singhal niya habang isa-isang inaalis ang mga babae sa akin. “Magkasakit pa ’yan sa inyo!”

Mabilis na itinulak ni Joaquin ang mga babaeng ito, mabilis namang sinalo ng mga tauhan niya ang mga babae.

Nagtawanan ang lahat.

“Boss naman!” singit ni Cholo habang nakaakbay agad sa akin. “Huwag mong tanggalan ng kaligayahan si Kirby!”

May tama na talaga ang kalbong ito.

“Tara, Kirby,” aya niya. “Iinom tayo magdamag,”

Aktong hihilahin niya ako nang mabilis siyang hablutin ni Joaquin sa balikat at alisin sa pagkakaakbay sa akin.

“’Wag mo siyang igaya sa ’yo,” seryosong singhal ni Joaquin. “Bata pa ’yan, bawal ’yan mag-inom!”

“Boss naman!” reklamo ni Cholo. “Masyado mong inaangkin si Kirby eh!”

“Kulit mo! Bawal nga siya mag-inom!”

Pagkatapos ay mabilis niyang inakbayan si Cholo.

“Ako nalang! Ako nalang ang yakagin mo!”

Biglang ngumiti si Cholo.

“Iyon!” masayang sigaw niya, “Kaya mahal na mahal ka namin eh!”

Sabay silang lumakad papunta sa pwesto ng mga lalaki sa gitna.

“Atensyon!” sigaw ni Cholo. “Mga kapatid! Lasingin si Bossing magdamag! Lasingin!”

Sabay-sabay ulit silang nagsigawan.

“Bossing!”

“Bossing!”

“Bossing!”

Nilingon pa ako ni Joaquin.

At doon ay himala nalang siyang ngumiti.

Awtomatiko na lang na sumilay sa aking labi ang hindi ko malamang saya.

At doon ko naitanong sa sarili ko…

Masaya ba ako dahil sa nasasaksihan ko ngayon?

O masaya ako dahil nakikita kong masaya siya?

Hindi ko alam.

At marahil, ayoko munang alamin.

Tahimik kong inayos ang sarili ko bago tuluyang umupo sa isang tabi ng mahabang sofa malapit sa pintuan. Mas presko roon kahit papaano at mas madali akong makakatakas sakaling mabingi na talaga ako sa ingay ng mga kasama niya.

Si Joaquin naman ay nasa gitna nilang lahat.

Nakaupo habang tila nagkakagulo ang mga tauhan niya kung sino ang mauunang magbuhos ng alak sa baso ng kanilang Senyorito.

“Minsan lang ’to mangyari sa atin kaya lubusin na!” sigaw ng isa sabay inom ng alak sa baso.

“Laklakin ang alak hanggang magdamag!” tumagay din siya, itinaas pa ang bote ng alak.

“Taon-taon lang ’to!” si Cholo naman na halos kulay kamatis na sa kalasingan. Pati makinis niyang ulo ay namumula na rin na parang posporo. “Hindi ako papayag na may matutulog ng hindi sumusuka!

“Mabuhay si Senyorito!” sigaw ng isang lalaking kamukha ni Roderick Paulete bago lumaklak ng isang litrong alak.

“Mabuhay!” sigaw ng lahat, itinaas nila ang kanilang mga hawak na baso at bote ng alak.

“Mabuhay ang Pugad Lawin!”

“Mabuhay!”

“Mabuhay ang Tandang Sora!”

“Mabuhay!”

“Mabuhay si Kirby!” sigaw ni Cholo.

“Mabuhay!”

Napatawa nalang ako habang nakatingin sa kanila.

Ramdam na ramdam ko ang panandaliang saya sa katawan ng bawat isa. Iyong klase ng saya na alam mong bukas ay mawawala rin, pero sa gabing ito ay pinipili muna nilang kalimutan lahat ng problema.

At si Joaquin…

Kitang-kita sa mga mata niya ang kasiyahan.

Para bang sa gabing ito ay wala siyang dinadalang bigat. Walang iniisip. Walang kailangang patunayan.

Pabalik-balik ang tingin niya sa akin at sa mga kasama niya, wari’y sinisigurado kung komportable ba ako roon o gusto ko nang tumakas palabas ng kwartong amoy sigarilyo at alak.

Nginingitian ko nalang siya pabalik bilang sagot.

Kahit sa totoo lang ay pakiramdam ko’y unti-unti nang nagiging usok ang baga ko sa kwartong iyon. Nalulunod ako sa isang bagay na alam kong makakasama sa kalusugan ko.

Pero wala akong choice.

Lumipas ang mga oras.

Hindi ko namalayang may hawak na pala akong beer na ako rin mismo ang kumuha mula sa lamesa nila.

Ito lang ang kaya kong inumin dahil mababa ang tolerance ko sa alak. Isang beer palang minsan ay parang gusto nang bumaligtad ng kaluluwa ko.

Kaya tahimik lang akong nakaupo sa gilid habang pinapanood silang lahat.

Walang tigil ang tawanan. Sayawan. Kantahan. Murahan. Asaran. Harutan sa mga babaeng yakap-yakap nila.

Nakakabingi ang buong paligid pero pinipili kong intindihin.

Parte iyon ng samahan nila.

Parte iyon ng mundo nila.

Parte ito ng tinatawag nilang kapatiran at pamilya.

At hindi rin nakaligtas sa paningin ko si Joaquin na halatang tinatamaan na ng alak.

Mapula na ang mukha niya.

Pero tuloy pa rin sa pagkanta ng mga English songs kahit mali-mali naman ang lyrics.

May isang beses pa ngang Bahay Kubo ang kinanta nilang lahat na parang national anthem.

Pagkatapos no’n ay diretsong ABC’s Song naman.

Wala akong ginawa kundi tumawa.

“Kirby?”

Napabaling ako sa lalaking umupo sa tabi ko. May hawak din siyang beer sa kaliwang kamay habang bahagyang nakasandal sa sofa.

Pinagmasdan ko ang kanyang mukha.

Pamilyar ito.

Parang nakita ko na siya.

“Si Joshua,” pagpapakilala niya at doon ay tuluyan ko siyang nakilala.

“Kaibigan ni Mang Nestor?” paninigurado ko at doon ito tumango.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong niya agad, “Parte ka rin pala ng samahan ni Senyorito Joaquin?”

Umiling ako.

“Hindi,” tanggi ko.

“Ikaw?” wika ko, “Bakit ka nandito? Hindi ba’t bago lang kayo sa Tandang Sora?”

Dahil kung hindi ako nagkakamali ay isa siya sa mga manginginom noong gabing nagkukuwento si Mang Nestor tungkol kay Joaquin.

Ngumiti si Joshua.

Kung aking pagmamasdan ay hawig nito si Joshua Garcia dahil sa kanyang labi at mata, pareho sila ni Lance na kulang lang din sila sa ligo.

“Kailangan kong mag-part time, pang suporta sa pag-aaral ko,” lahad niya bago kami sabay na tumagay ng beer.

“Part time?” taka kong tugon, “Hindi ba’t…”

Umiling siya at mabilis akong pinutol.

“Ibang-iba naman ang kuwento sa akin ni Mang Nestor tungkol kay Senyorito,” lahad niya. “Hindi naman siya nakakatakot base sa kuwento nila.”

Napatango ako.

“Si Cholo yung nagpasok sa akin sa kanila. Sa talyer,” muli niyang lahad.

Napakunot naman ako ng noo.

“Talyer?”

Tumango siya, “Oo talyer. Yung parang abandonadong building na nakatayo doon sa kabilang barangay, doon sa Sangandaan? Talyer ’yon”

Natigilan ako.

Ibig sabihin…

Hindi lang pala tambakan ng kung anu-anong kalawangin ang lugar na iyon.

May negosyo pala sila roon.

“Kailangan pa nila ng mekaniko, kaya kinuha ko na agad. Sayang din kung hindi, medyo malaki ang gastusin sa school.” Lahad naman niya sa akin.

Ngayon ko lang nalaman iyon.

Akala ko noon, puro gulo lang ang ginagawa ng mga taong nakatambay roon.

Hindi ko alam na may mga taong nagtatrabaho rin pala sa ilalim ng usok, ingay, at mga maling tingin ng iba.

Nagpatuloy pa ang kuwentuhan namin ni Joshua.

Doon ko nalaman na Automotive ang kanyang kurso at doon din siya pumapasok sa Unibersidad kung saan ako pumapasok. Galing siyang probinsya sa Quezon at tanging siya at ang kanyang tiyuhin na nakatira sa Tandang Sora ang kasama niya.

“Naalala ko noon, unang beses kong bumili kila Ka Myrna, pag uwi ko ay nawawala na ang wallet ko.” Pagkukuwento niya.

Naitanong ko ang mga experiences niya sa Tandang Sora.

Sabay na lang kaming napapatawa ni Joshua.

Pero habang tumatagal ang usapan namin…

May nararamdaman akong titig.

Mainit.

Mabigat.

Iyong tipong kaya kang patayin gamit lang ang mata.

Kulang nalang ay bumulagta kaming dalawa ni Joshua kung nakakamatay lang ang mga titig niya.

“Tagay pa, Bossing!” sigaw ng isa.

“Tagay!”


Kabanata 8

P A K Y U

“Basta mag-iingat ka, anak. Tumawag ka nalang mamaya sa labas kapag nakadating ka na,” wika ni Papa sa kabilang linya.

“Opo. Tatawag po ako mamaya. Pauwi na rin naman po ako,” tugon ko habang napapalingon sa pintuan ng kwartong pinanggalingan ko.

Nandito ako sa may labas ng kwartong pinagganapan ng mahabang kasiyahan at katuwaan.

Saglit na tumawag si Papa dahil hindi pa nga ako nakakauwi, nakalimutan ko ring magpaalam dahil nabaling ang atensyon ko sa kanilang kasiyahan.

Napabuntong-hininga ako bago pinatay ang tawag at muling sinilip ang oras sa cellphone ko.

Ala-una na ng madaling araw.

Halos siyam na oras na rin akong nandito sa bar.

Dahan-dahan kong iniunat ang katawan ko dahil nararamdaman ko na ang pagod. Hindi naman ako lasing, pero pakiramdam ko naging caregiver ako ng buong samahan nila ngayong gabi.

Ako ang tumatawag ng grab, angkas, at mga habal-habal para sa mga hindi na makatayo.

Ako ang paulit-ulit na nagsasabing huwag silang magmaneho kapag lasing.

Ako rin ang taga-alalay sa mga sumusuka sa CR kahit ako mismo ay nasusuka na rin sa amoy nila.

Bakit ko ginagawa?

Hindi ko rin alam.

Matapos akong makahinga ay muli akong pumasok sa loob ng kwartong ito.

At kung kanina ay parang rave party tuwing New Year ang ingay rito, ngayon naman ay mistula na itong abandonadong lugar.

Tahimik.

Tanging paghilik nalang ng ilang tauhan ni Joaquin ang maririnig.

May nakahiga sa sofa, may ibang nakatiwarik ang higa.

May nakasandal sa dingding.

May isa pang yakap-yakap ang bote ng alak habang natutulog na parang sanggol.

Wala na rin ang mga babaeng kasama nila kanina. Maaga silang pinaalis ni Joaquin.

Wala na rin dito si Joshua dahil may pasok pa raw sila bukas.

Buti nalang ay hindi kami kailangan bukas sa school. Friday kaya enrichment day lang. Baka thesis lang din ang asikasuhin namin.

Tahimik kong iginala ang tingin sa buong silid.

Sumasayaw parin ang mga laser lights na siyang nagbibigay ng liwanag sa kwarto.

Maliwanag din ang malaking LED TV kung saan patuloy ang paulit-ulit na masiglang pagsayaw ng mga kpop kahit ang kinakanta nila kanina ay pang brokenhearted.

Tahimik na tahimik ang buong kwarto, na kahit ako ay nahihiyang gumalaw dahil baka makagawa ng ingay.

Napabaling ang tingin ko sa kanya.

Kay Joaquin.

Nasa gitna ito ng mahabang sofa. Suot pa rin ang kanyang denim jacket na para bang isang action star na hindi naiinitan.

Nakatungo siya habang nakaupo, tulog o pilit lang nilalabanan ang antok. Ang dalawang braso niya ang nagsisilbing sandalan para hindi siya tuluyang mapahiga.

Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa harapan niya.

Kailangan kong magpaalam na umuwi.

Hindi ko rin alam kung bakit, dahil pwede naman akong tumakas kahit anong oras mula pa kanina.

Pagdating ko sa kanyang harapan.

Hindi ko malaman ngunit dahan-dahan akong umupo sa may coffee table na nilinis ko na kanina.

Nang tuluyan akong makaupo sa lamesa at mapantayan siya ay doon ko nakita ang maamo niyang mukha.

Parang isang leon na maamong natutulog.

Na para bang inosente siyang tao, na walang sinasaktan kahit sino.

Na parang hindi siya makakapatay kahit lamok o langgam dahil sa bait ng kanyang itsura.

Sabi nga nila, ang tao ay mabait kapag tulog.

“Joaquin…” mahinang pagtawag ko, kasabay ng pagtapik sa kanyang braso.

“Hhhmmmm…” malambing niyang tugon habang nakapikit pa rin.

“Joaquin,” muli kong pagtapik.

“Hhmmmm?!” inis na ang kanyang tono.

Pabulong ang aking ginagawa para hindi magising ang iba.

“Uuwi na ako. Hinahanap na ako sa bahay.”

Hindi siya sumagot agad.

Pero dahan-dahan niyang binuksan ang mata niya.

Napasinghap ako ng diretso siyang tumingin sa akin.

Matapang ang kanyang mga mata.

Mapungay ito na tila kung sinong makakatitig sa kanya ay tiyak na tutumba na lang sa kung saan.

Amoy na amoy ang matapang niyang pabango, hinaluan na rin ng amoy chico dahil sa may tama siya ng alak sa katawan.

“Doon ka na…” mahina niyang wika habang nakatungo pa rin.

“Ha?”

“Doon ka na…” ulit niya.

“Anong doon ka na?”

Bahagya niya akong itinulak sa dibdib at doon niya pilit inayos ang kanyang upo.

“Doon ka na sa…lalaki mo…” wika nito at ramdam ko ang kanyang inis.

Muli siyang pumikit kahit na maayos na ang kanyang pagkakatindig sa upo.

Napakamot nalang ako ng ulo.

Dahil wala akong ideya sa sinasabi niya.

“Ewan ko sa ’yo,” wika ko nalang. “Uuwi na ako. Hinahanap na ako sa bahay,” pagpapaalam ko sa kanya.

Tumayo na ako at akmang aalis nang bigla niyang hawakan ang kanang pulsuhan ko.

Napatingin ako sa kanya.

Nakatitig siya pataas sa akin gamit ang mapupungay niyang mata na tila ayaw akong paalisin.

“Ma…mamaya na…” sablay niyang sambit. “Maaga pa…”

Mabilis ko namang inalis ang pagkakahawak niya sa pulsuhan ko. Inilabas ko ang aking cellphone at doon ito hinarap sa kanya.

“Anong maaga? Ala-una na ng madaling araw o.” Singhal ko at napatawa na lang siya.

Dahan-dahan siyang tumayo.

Mabilis ko naman itong tinulungan pero agad niya ulit akong itinulak ng bahagya.

“Doon ka…” reklamo niya habang nakapikit pa rin.

Lasing na lasing talaga ang gago.

Nakatayo siya pero pagewang-gewang, tila pilit na pinapakalma ang mundo sa paligid niya.

Nakaalalay naman agad ang mga kamay ko kung sakaling matumba siya.

Pero sa mga oras na ito, siguro ay mabuting hayaan ko nalang siyang tumumba sa sahig.

’Di ito umiimik. Tila inilalagay muna ang sarili sa wisyo.

Segundo. Minuto.

Katahimikan lang ang namuwati sa aming dalawa.

“Cholo…Cholo!”

Lumakas ang boses niya.

“Tulog na si Cholo!” mabilis kong saway. “Huwag ka masyadong maingay at baka magising mga tauhan mo.”

Nakapikit pa rin ito kasabay ng pagngiti na parang gago.

“Ha…wala..la..palang…uuwing…ha…lashing ha.”

Hindi ko alam kung anong trip niya.

At lalo akong napaigtad nang bigla siyang umakyat sa sofa para tumayo roon.

“Ano bang trip mo?!” inis kong suway habang pilit na nakasalo dahil baka tuluyan siyang matumba, “Hahayaan kitang malaglag sige ka!”

Tumawa lang siya.

“Gago…gago!” hindi ko mawarian kung sinong minumura niya.

Nakatingala ako sa kanya. Nakaalalay na baka tuluyan siyang malaglag.

“Mga…wa…walang silbi! Pa…ano kung…pu..pumunta..dito…si…Ri…Rigor? Edi patay ako?” atungal niya.

“Ingay mo. Baka magising sila.” Suway ko sa kanya.

Mabilis akong nakatanggap ng middle finger sa harapan ko.

“Pakyu ka! Pa…pakyu ka, Kirby…” para itong batang inagawan ng Candy.

Napakamot nalang ako ng ulo.

Ilang segundo muling tumahimik ang paligid.

At nang muli niyang imulat ang mga mata niya…

Diretso siyang nakatingin sa akin.

Parang sinusubukang basahin kung anong tumatakbo sa isip ko.

At hanggang ngayon…

Hindi ko pa rin maintindihan kung paano ako napunta sa ganitong sitwasyon.

Kung paano ako napalapit sa lalaking ito.

Ngumiti ako ng bahagya.

“Kirby…” tawag niya.

Mahinahon na ulit ang boses niya.

“Hmm?” tugon ko.

“Gusto mo bang maging parte ng samahan namin?” seryosong tanong nito sa akin.

Hindi ako agad nakasagot.

Gusto ko nga ba?

Dahan-dahan akong umiling.

“Ayokong maging alipores mo,” seryosong sagot ko sa kanya.

Nagsalubong ang mga kilay niya tanda na hindi nagustuhan ang sinabi ko.

Muli akong nakatanggap ng pagtulak sa aking dibdib.

Pagkatapos noon ay doon niya ako dinuro ng kaliwa niyang hintuturo.

“Hoy! Kirby!” malakas niyang sigaw dahilan para magulat ang mga tauhan niyang natutulog.

Kahit ako’y napasinghap din sa pagsigaw nito sa akin.

“Tandaan mo ’yang sinagot mo!” tila inis niyang tugon habang diretso lang ang tingin sa akin.

Hindi ako tumugon.

Tahimik lang siyang tinitigan at inabangan ang sunod niyang sasabihin.

“Kapag dumating na si Seyko…” dagdag niya. “Tapos na ang kontrata mo sa akin!”

Napalunok ako. Dahil totoo nga ang sinasabi niya.

Muling umayos ng tayo ang lalaking ito kahit na pagewang-gewang pa.

“Kirby, awt!” sabay turo niya palabas ng pinto.

“Seyko, in!” itinuro naman niya paloob sa sarili niya.

Pagkatapos ay muli niya akong dinuro.

“Kaya kahit bumulagta ka sa kalsada,” Seryoso niyang sambit. “Pagtatawanan pa kita.”

Inilapit pa niya ang kanyang sarili sa akin at gigil na gigil sa kanyang sinabi.

Napatawa nalang ako, sabay kibit-balikat sa mga sinabi niya.

Dahil ang totoo niyan ay alam kong hindi niya ito gagawin sa akin.

“Sige-sige. uuwi na ako,” tanging nasabi ko nalang.

“Hoy!” paghabol niya.

At sa mismong sandaling iyon…

Sa ginawa niyang paghabol ay doon siya nawalan ng balanse sa ibabaw ng upuang kinatatayuan niya.

“Aray…” “Ah!”

Natumba kaming parehas.

Sa malagkit na sahig kami bumagsak.

At ang mas malala pa roon.

Dinadaganan niya ako.

Napalaki ng bahagya ang aking mata.

Dahil hindi lang siya basta nakadagan.

Sobrang lapit ng kanyang mga mukha sa akin.

Naitukod niya ang dalawang braso niya sa magkabilang gilid ko kaya iyon nalang ang nagsisilbing espasyo sa pagitan naming dalawa.

Hindi ko mabasa kung anong iniisip ng lalaking ito.

Diretso lang siyang nakatingin sa mga mata ko. Tila ba nagkaroon ng sariling mundo.

Amoy na amoy ko ang pagkalalaki niya. Amoy chico at ang mapatang niyang pabango.

Hindi ko alam ngunit bumibilis ang tibok ng puso ko.

Sa sobrang bilis ay parang tumakbo ako ng isang kilometro sa loob lamang ng sampung segundo.

Hindi ko gusto kung anong nararamdaman ko…

Bago pa ako mahulog sa isang patibong na pinipili kong iwasan.

Bago pa tuluyang kainin ng virus ang premium kong subscription sa buhay…

Ibinuhos ko na ang natitira kong lakas.

Itinulak ko siya paalis sa pagkakadagan niya.

“Ang baho ng hininga mo!” sigaw ko sa kanya ng tuluyan akong nakaalis sa pagkakahiga.

Mabilis akong tumayo at doon humakbang para kuhanin ang bag ko.

“Alis na ako!” di na ako lumingon.

Dali-dali kong binaybay ang daan papunta sa pintuan.

At bago ko pa mabuksan iyon…

“Mamaya na…”

Napahinto ako.

Inagaw niya ang bag ko.

“Samahan mo muna ako…”


Kabanata 9

M E S S A G E

Alas-dos na ng madaling araw. Ngunit imbes na makita ko ang sarili kong nakahiga na sa kama, nakapikit at nagpapahinga, nandito ako ngayon sa Barangay Sangandaan, malapit lang sa Tandang Sora.

Gising na gising.

Buhay na buhay pa rin.

Kakababa lang naming dalawa sa motor nang huminto kami sa tapat ng tila abandonadong gusali na ngayon ko lang din nalaman na isa palang talyer.

Ako ang nagmaneho papunta rito dahil kung siya ang pinahawak ko sa manibela, baka kanina pa kami nabura sa mundo. Ayoko namang mamatay nang ganoon lang. Marami pa akong pangarap. Marami pa akong gustong marating.

Siya? Mukhang kaya niyang makipagpatintero sa kamatayan anumang oras.

“Uuwi na ako,” muli kong atungal ng doon kami sabay na naglakad papasok ng building.

“Kulit mo! Mamaya na, ako pa maghahatid sa ’yo!” inis na niyang turan.

Mukhang nahimasmasan na siya dahil diretso na itong magsalita, hindi na rin pagewang-gewang ang paglalakad niya ng tuluyan kaming makapasok dito sa loob ng building.

Tahimik ang buong paligid, walang bakas ng paghinga. Walang tawa at sigaw na maririnig.

Muling sumalubong sa akin ang amoy ng grasa, kalawang, sigarilyo, at lumang bakal. Madilim ang paligid, tanging liwanag pa rin sa buwan ang pumapasok sa pagitan ng mga siwang.

Walang tao.

Walang nakabiting patiwarik. Walang nakagapos sa upuan.

Pero kahit wala na roon ang eksenang iyon, kusa pa ring nagsitayuan ang balahibo ko nang maalala ko ang gabing nasaksihan ko rito.

Nakakasuka.

Nakakatakot.

“Anong ginawa niyo doon sa lalaki?” ’di ko napigilang itanong sa kanya habang nakasunod ako sa likuran niya.

“Huwag mo nang itanong,” tugon na lang niya.

Tinumbok namin ang maliit niyang opisina. Pagkabukas niya ng ilaw, saka ko lang muling nasilayan nang maayos ang kwartong ito.

Sa kanan ay naroon ang malaking lamesang kahoy. Katabi no’n ang malaki at kulay-itim niyang swivel chair na mistulang trono niya.

“Ang baho pa rin…” hindi ko napigilang atungal habang inililibot ang tingin sa paligid ng kwarto.

Humakbang ako papunta doon sa trono niya at komportableng umupo dito. Malambot naman. Nakaka-relax sana kung hindi lang sobrang kapit ng amoy niya.

Pabango. Pawis. Sigarilyo. At kung ano-anong amoy na siya lang siguro ang komportable.

Pero isipin niyo, kahit naman kayo ay may comfort na nararamdaman sa isang bagay na madumi, tulad ng unan natin. Kahit laway-laway na ay parang mahirap palitan, may amoy siya na mahirap iwanan.

“Dito ka ba natutulog?” tanong ko sa kanya, wala kasi akong nakikitang higaan man lang.

Nakatalikod ito sa akin habang may kung anong kinukuha sa isang bakal na malaking cabinet sa may harapan.

“Malamang…” tugon niya.

“Kaya pala amoy laway, pawis, baktol itong upuan mo,” pang-iinis ko sa kanya.

Kita ko naman ang mahina niyang pagbungisngis.

“Hindi lang pawis at laway ko ang nakadikit diyan…” may ibang kahulugan niyang wika.

Saglit kong prinoseso ang sinabi niya, bago ako umayos ng upo.

“Kadiri ka!” utas ko at tumawa na lang siya.

Muli kong iginala ang tingin sa paligid ng kwarto.

Madumi ang mga dingding, walang kulay ng pintura pero maraming mga nakadikit na poster.

Mga iba’t-ibang klaseng sasakyan at mga motor, mga classic at vintage style. Hindi ko ito napansin noong unang beses kong gumising dito sa kwartong ito.

“Mahilig ka pala sa sasakyan?” tanong ko sa kanya. Nakatalikod pa rin ito.

Hindi siya sumagot kaya muli ko nalang iginala ang aking paningin.

Hanggang sa mapunta ang aking baling sa aquarium niya.

Napalaki ang aking mata ko at tuluyang napatawa.

“Anong trip mo?” singhal ko habang nakatingin sa may kalakihang aquarium. Malinis na ito, ngunit ibang-iba ang laman.

“Saan?”

“Sa aquarium mo? Bakit tilapya ang laman.”

Natatawa kong wika sa kanya dahil may tatlong tilapya ang nasa loob, malalaki na ito. Yung parang pwede ng hulihin at iprito.

“Wala kang pake!” natatawa niya ring tugon bago siya humarap sa akin.

Humakbang siya papunta sa kinauupuan ko.

“Walang bangus, kaya yan muna ang nilagay ko.”

Sabay na lang kaming napatawang dalawa.

Sa totoo lang, kaunti na lang ay mapapaniwala akong may sakit talaga siya sa utak.

Tuluyan siyang nakatigil sa harapan ng lamesa at doon ito may inilahad sa aking harapan.

“O.”

Dahan-dahan kong inabot ang puting bagay na hawak niya.

Ang mini-fan ko.

“Bakit nasa ’yo ’to?” nagtataka kong tanong.

Seryoso siyang nakatingin sa akin.

“Iniwan mo, bobo.”

Singhal niya bago ito muling umalis sa harap ko at doon muli pumunta sa estante ng kabinet sa harapan.

Napatingin ako sa mini-fan at doon ko nalang naalala na naiwan ko nga pala ito noong nag-walk out ako sa kanya sa Quiapo.

“Sira na ’to ah,” sabi ko.

Sinubukan kong pindutin ang switch.

Himalang nagbuga ito ng hangin.

Napalaki pa ang mata ko kasabay ng muling pagbaling sa kanya.

“Ginawa mo?” nagliliwanag kong wika sa kanya.

Tumango lang ito habang nakatalikod.

“Galing mo naman!” natutuwa kong banggit bago ko muling pinatay ang mini-fan. “May talent ka naman pala.”

Sumilay nalang ang ngiti sa aking labi. Akala ko ay wala siyang silbi, walang talent, o walang mahuhuthot sa kanya ang nasasakupan niya.

Mali pala ako.

Muli siyang humarap sa akin at doon ay dala-dala naman niya ang laptop niyang sobrang kapal na parang sampung kilo nga ang bigat.

“Anong gagawin mo diyan?” tanong ko.

Mabilis siyang humakbang papunta dito muli sa lamesa, inilapag niya sa harapan ang laptop.

Mabilis niyang tinumbok ang inuupuan ko at pilit na isiniksik ang sarili sa tabi ko.

Napasalubong naman ang kilay ko.

“Usod ka,” anya niya at doon tumabi sa akin bago binuksan ang laptop sa aming harapan.

“Ikaw ang umusod!” sabi ko, “Kumuha ka ng upuan mo.”

Bumaling siya sa akin, seryoso pero may bahid ng inis sa kanyang mukha.

“Aba!” taas kilay pa ang gago, “Upuan ko ’to!”

Hindi na lang ako nakapagsalita.

Umayos na lang ako ng upo, pilit na inalalayo ang sarili sa kanya dahil malagkit ang kanyang katawan, hinubad na kasi nito ang suot niyang denim jacket.

Ibinaling ko nalang ang tingin sa laptop niya. Binuksan na niya ito at nasa loading screen na.

Segundo.

Minuto.

Tahimik kaming nakabaling sa screen loading ng laptop, na parang isang taon pa ’ata ito magbubukas. Napaghahalataang sobrang tanda na.

“Mahilig ka talaga sa vintage ano?” panunuya ko sa kanya, “Antique na tong laptop mo eh. Kahit cellphone mo ay lumang-luma na. Hindi ka sumasabay sa uso?” Dagdag ko. “Mali. Hindi ka sumasabay sa pagbabago?”

Hindi siya sumagot.

Seryoso siyang nakabaling sa loading screen.

“Bigay sa akin ’to ni Mama noong first year high school ako,” mahina niyang sabi.

“Nag-aral ka pala?” panunuya ko ulit.

Hindi siya sumagot.

Bumuntong hininga lang.

At ewan ko ba, pero sa simpleng buntong-hiningang iyon, parang may kung anong bigat na hindi niya masabi.

Muli kaming natahimik habang hinihintay mabuhay ng tuluyan ang laptop niya.

Pero in fairness, matibay. Hindi kailangang nakasaksak para gumana. Hindi tulad ng ibang laptop na konting galaw lang sa charger, mamamatay agad.

“Tangina! Ang bagal!” ngayon lang siya umatungal matapos ang halos sampung taon naming paghihintay na bumukas lang ang laptop niya.

“Palitan mo na kasi!” singhal ko sa kanya, “Ano ba kasing ipapakita mo?”

Hindi siya sumagot.

Doon siya diretsong tumingin sa screen ng laptop at pumunta sa isang application kung saan pwedeng magsend ng messages at email, pwede ring video call dito.

“Wala kang framebook? Instegrum?” tanong ko sa kanya dahil luma na ang application na binuksan niya.

Umiling ito.

“Kailan ka ba nabuhay? Daig ka pa ng Lola ko, kumpleto sa social media ’yon. Framebook, Instegrum, Twitur, Thruds, at may Tektok pa!” singhal ko sa kanya.

“Manahimik ka nga!” inis siyang bumaling sa akin. “Papaduguin ko ’yang bibig mo!” banta niya.

Napatawa nalang ako.

Sabay baling doon sa binuksan niyang application.

Nakita kong pumunta siya sa messages nilang dalawa ng girlfriend niyang Hapon.

“Anong meron?” tanong ko.

Dahan-dahan siyang bumaling sa akin.

At sa unang pagkakataon ngayong gabi, parang may kakaibang lungkot sa mukha niya.

“Hindi ko alam…” mahinahon ang kanyang boses.

“Pero kaninang umaga pa ay hindi ko siya makontak…hindi ko matawagan…ang totoo ay ilang araw na.”

Pagsusumbong niya sa akin, habang nilalabanan ang antok base sa kanyang mata.

Tahimik akong nakinig.

Bumaling siya doon sa application at pinindot ang isang icon kung saan sinubukan niya itong tawagan. Pero bigla nalang may lumabas na notification.

“Kahit anong pindutin ko ayaw. May lumalabas na ganyan,” tiningnan ko ng maayos ang notification.

“Hindi ko naman alam kung anong ibig sabihin niyan…” nakasulat kasi sa English ang notification.

“Naka-block ka sa kanya,” seryosong baling ko sa kanya.

“Anong blak?”

“May pinindot siya para hindi mo siya matawagan, kahit chat, o text ay hindi mo magagawa,” paliwanag ko. “Parang pinutol niya yung komunikasyon niyo, ganon.”

Kumunot ang noo niya.

“Bakit naman ganoon?” tila wala siyang ideya.

“Aba, malay ko sa inyo. Malay ko sa girlfriend mo.” Sagot ko naman.

Muli siyang bumaling sa screen at doon may itinuro sa akin.

“Pero ito, tingnan mo,” bumaling ako sa screen.

“May sinend siyang ganito kanina…”

“Voice message?”

Tumango siya.

“Ganon nga. Pero hindi ko mapakinggan ng ayos, basag itong ispiker ng laptop ko. Pati sigurado ay Inglesh yung message niya.”

Tumango naman ako.

Kinuha ko ang bag sa gilid nitong upuan, binunot ang earphones sa bulsa bago ito muling inilapag sa lapag.

Habang inaayos ko ang pagkakabuhol ng earphones ay bigla nalang akong may naalala.

“Oo nga pala…” bumaling ako sa kanya.

Seryoso lang siyang nakatingin sa akin.

“Ano?”

“Baka pwedeng maka-request sa ’yo.” Panimula ko, ito ang tamang oras para magpaalam sa kanya tungkol sa gagawing interview sa kanya.

Nagsalubong lang ang kilay niya.

“Anong rekwest?”

“Makahiling ba. Baka pwede.”

“Ano nga?!” singhal niya.

“Kailangan namin ng isang ma-iinterbyu. Kung baga ido-document habang nag bi-video,” sabi ko. “Parte ng thesis namin. Mga ways and leadership ng public servant.”

“Bakit ako?”

“Aba malay ko rin! Sabi ni Lance ikaw nalang daw eh.”

“Sino naman si Lance?”

“Bestfriend ko ’yon,” paglilinaw ko.

Tumango lang siya.

“So ano nga? Pwede ka ba?” ngumiti ako sa kanya, yung pilit na pilit na para bang okay lang na sabihin niya kung ayaw niya dahil pabor din naman sa akin.

“Kailan ba ’yan?”

“Bukas na para wala ka ng aalalahanin,” mabilis kong tugon. “Huwag kang mag-alala, pwede namang tagalog yung isagot mo.”

Inabot ’ata ng ilang minuto bago siya sumagot.

“Sige.” tipid niyang tugon.

Napakurap ako.

“Okay lang sa ’yo?” paninigurado ko.

“Ikaw? Ayos lang ba sa ’yo?” balik niyang tanong sa akin.

Napangiti nalang ako.

“Wala ng atrasan ha,” sabi ko bago ko tuluyang isinaksak ang cord ng earphones sa kanyang vintage laptop.

“Translate ko ba?” tukoy sa voice message ni Seiko sa kanya.

“Malamang!” singhal niya.

Napatawa ako.

Tuluyan kong isinuksok sa kaliwa kong tenga ang isang earphone habang ibinibigay ko sa kanya ang isa pa.

“Baka madumi tenga mo ha,” inis ko.

“Ulul.” Tuluyan niya namang isinuksuok ito sa kanang tenga.

Umayos kami ng upo bago ko tuluyang pinindot ang voice message na ipinadala sa kanya ni Seiko.

Sumulyap pa ako sa kanya bago sabay naming pinakinggan ang malambing at matinis na boses ng girlfriend niyang Hapon.

“How are you, Joaquin?”

“Kumusta, Joaquin?” direkta kong salin.

Direkta kong isinasalin ang mga salitang binibigkas ni Seiko.

“I’m sending this voice message to tell you what I feel…”

“Sinend ko itong voice message para sabihin sa ’yo ang nararamdaman ko…”

“I’m sorry for blocking you for almost a week….”

“Pasensya na kung blinock kita nang mahigit isang Linggo…”

“It’s just that I’m contemplating myself for something. It’s like I’m finding the right answer to a certain question…”

Napakamot ako ng ulo.

“Pinutol ko ang komunikasyon natin kasi may kailangan akong gawin. May hinahanap akong sagot sa isang tanong na gusto kong masagot…” hindi man literal na translation ay ganoon pa rin ang ibig niyang sabihin.

Parang alam ko na kung saan papunta ang message ng girlfriend niyang Hapon.

“But before that…”

“Pero bago ang lahat…”

“I hope that you’re going to have an amazing day today.”

“Sana ay magkaroon ka ng magandang araw ngayon.”

“I want to wish you a happy birthday on your special day.”

Napakunot ang noo ko.

Mabilis kong pinindot ang space bar para itigil ang voice message.

Bumaling ako kay Joaquin na seryoso sa pakikinig.

“Birthday mo ngayon?” tila ba gulat kong turan sa kanya.

Tumango lang siya.

“Hindi ko alam,” ani ko.

“Hindi ko sinabi sa ’yo.”

“Bakit hindi mo sinabi?” singhal ko.

“Eh hindi ka naman nagtanong!” singhal niya pabalik.

“Kaya pala magdamag kayong nag-inom eh…” nasabi ko nalang dahil ito pala ang rason kung bakit sila may kasiyahan kanina.

Kung bakit iba rin ang saya niya ngayong araw.

“Edi happy birthday,” bati ko sa kanya habang nakangiti pa. “Wala akong regalo, hindi ko alam eh.”

Nagkibit balikat nalang siya bago niya pinindot ang space bar para muling magtuloy ang message sa kanya ni Seiko.

“My wish also is for you to follow the path that you really want.”

“Ang hiling ko sa ’yo ay sundin mo kung ano talaga ang gusto mo sa buhay.”

“I’m sorry for telling you this on your special day, but I guess this is the right time to tell you the answer.”

“Pasensya na kung sasabihin ko sa ’yo ito ngayong araw, alam ko kasi na ito ang tamang oras para sabihin sa ’yo ang sagot.”

Bumaling ako ng tingin kay Joaquin.

Basang-basa ko sa kanyang mata na alam niyang hindi maganda ang sasabihin ng kanyang girlfriend.

Tahimik lang ito at diretsong nakatingin sa screen.

“Joaquin.”

“Joaquin.”

“You already know that we don’t have a lot in common.”

“Alam mo naman na marami tayong pagkakaiba.”

“Our preferences, hobbies, religion, culture, our lifestyle, or even our language.”

“Ibang-iba ang gusto natin, relihiyon, kultura, kung paano mabuhay, at kahit ang lenggwaheng ginagamit natin ay iba.”

“After finding the answer for almost a week. I guess I’m ready to tell you…”

“Matapos ang isang linggong paghahanap sa sagot, alam kong kaya ko ng sabihin sa ’yo kung ano ito…”

“I think our relationship…”

“Sa tingin niya ang relasyon niyo…”

“It will not last.”

“…hindi magtatagal…”

Natahimik ako.

Maging si Joaquin ay hindi gumagalaw.

Nakatingin lang siya sa screen habang parang unti-unting nawawala ang liwanag sa mga mata niya.

“Because…”

“Kasi…”

Bumaling ako kay Joaquin at doon ay sabay naming pinakinggan ang rason kung bakit sa tingin ni Seiko ay hindi magtatagal ang relasyon nila.

“Because you’re too stupid.”

Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa buong katawan ko.

“You’re stupid. You’re a fool. You’re dumb.”

Napasinghap ako at parang biglang sumakit ang tenga ko.

“You don’t even have a proper education. I can barely understand what you’re saying every time you try to speak in English.”

Mahinahon pa rin ang boses ni Seiko. Para bang hindi insulto ang bawat salitang lumalabas sa bibig niya.

“Sometimes when you talk, I feel embarrassed for you. You sound ignorant… like someone who stopped growing a long time ago.”

Napahigpit ang hawak ko sa earphone.

“I tried to understand you. I really did. But every conversation with you feels exhausting. I can’t even understand your Tagalog, but you still talk to me in that language.”

Bumaling si Joaquin sa akin, kunot-noo. Naghihintay ng translation.

Hindi ko magawang magsalita.

“I can’t introduce you proudly to my friends because I know they will laugh at you.”

Parang biglang sumikip ang dibdib ko.

“You don’t know how to act properly, you don’t know how to communicate properly…and honestly, sometimes you look like a lost dog trying to pretend it belongs somewhere.”

Mariin akong napapikit.

Napakasakit ng mga salita niya.

Hindi lang simpleng pakikipaghiwalay iyon. Dinudurog niya si Joaquin nang hindi niya ito naiintindihan.

“I stayed with you for almost five months because I thought maybe you would change.”

Saglit akong napatingin kay Joaquin.

Tahimik lang siya. Umaasang may magandang kasunod.

Pero wala.

“I thought you were like your brothers. Responsible. Smart. Someone with dreams.”

“But you’re not even trying to become better.”

“You only know how to fight, drink, smoke, and have sex with me.”

“To be honest, I don’t see any future with you.”

“You don’t help yourself grow. You don’t even try to learn unless someone forces you.”

“And my parents were right about you.”

“They said you’re a disgrace to your family.”

Pakiramdam ko ako iyong sinampal sa sinabi niya.

“And if I stay with you longer, my future will become a waste too.”

Tuluyan akong napayuko.

Hindi ko alam kung galit ba ang nararamdaman ko para kay Seiko o awa para kay Joaquin.

“And I want to break up with you… I’m sorry.”

Tuluyang natapos ang ang voice message niya.

Tahimik.

Sobrang tahimik na parang pati hangin sa kwartong iyon ay nahihirapang gumalaw.

Napakuyom ako ng kamao. Hindi dahil sa hiwalayan, kung hindi dahil sa paraan ng pagdurog niya rito.

Mabilis kong tinanggal ang earphones sa tenga naming dalawa.

“Anong sabi?” agad niyang tanong. “Hindi mo na tinransleyt yung mga sinabi niya.”

Wala siyang ideya.

Wala siyang kaalamalam na kanina pa siya tinatapakan ng babaeng mahal niya.

Humarap ako sa kanya habang isinisilid ang earphones sa bag ko.

“Ayaw na niya sa ’yo. Nakikipaghiwalay na siya, madami kayong pagkakaiba kaya hindi na niya kaya,” sabi ko at mukhang hindi siya nasatisfied.

“Eh ano yung mga sinabi pang mahaba?” taka niya, “Brader? Edukeyson?”

Umiling ako.

“Basta ang sabi niya, hindi ka niya maintindihan. Hindi ka marunong mag English.”

“Pero nag-aaral na naman ako ah?” mabilis niyang depensa.

“Tinuturuan mo ako ng Inglish para pagbalik nila dito ay makausap ko na siya ng maayos. Para makapag-propose na ako sa kanya at makausap ang mga magulang niya…”

“Hindi ’yon sapat.”

“Paanong hindi sapat?”

Hindi ko alam ngunit nakakaramdam na ako ng labis na inis.

Napatayo na ako sa pagkakaupo.

“Sa tingin mo ba ay magiging magaling ka sa English kung ilang Linggo na lang ang natitira mong oras?”

“Hindi ko naman kailangan maging magaling ah!” sigaw niya.

“Ang kailangan ko lang matutunan ’yung mga sasabihin ko kapag nag-propose ako sa kanya! ’Yung mga sasabihin ko sa magulang niya para hingin ang kamay ni Seiko!”

“Wala ka ng hihingian…”

Bigla siyang natahimik.

“Ano?”

Napapikit ako. Nagtitimpi.

Huminga ng malalim.

Nagdesisyon.

Desisyon na alam kong may masasaktan.

Huminga ako ng malalim bago muling bumaling sa kanya.

“Sige,” ngumiti ako ng pilit.

“Sige…ang ituturo ko sa ’yo ay yung mga dapat mong sabihin. Kung paano ba makipag-usap sa kanya ng maayos, kung paano ka magpopropose, at ang mga dapat mong sabihin sa harap ng magulang niya…” hindi ko alam ngunit gusto ko nalang kainin lahat ng mga sinabi ko.

Hindi ko alam kung bakit habang sinasabi ko iyon, pakiramdam ko ako mismo ang unti-unting nasasaktan.

Ngumiti siya.

“Iyan ang sinasabi ko sa ’yo!” pagpuri pa niya sa akin at tuwang-tuwa pa.

Napailing ako.

Sobrang gago niya.

Pinulot ko ang bag ko sa lapag.

“Uuwi na ako,” mahina kong sabi.

Agad siyang tumayo.

“Ihahatid ki-”

“Hindi. Ako na. Kaya kong mag-isa.” Mabilis kong pagputol sa kanya.

Hindi ko na siya hinintay pang makapagsalita.

Ramdam kong nakatingin siya sa likod ko habang naglalakad ako palabas ng kwartong iyon.

Napakagago mo, Joaquin.

Tumigil ako sa may pintuan.

Saglit na may kinapa sa aking bulsa.

Lollipop.

Kinuha ko ito at mabilis na humarap sa kanya.

Nakatitig lang siya sa akin, halatang naguguluhan. Pero sa likod ng mga matang iyon, alam kong nasasaktan din siya kahit hindi niya pa lubos maintindihan kung bakit.

Mabilis kong ibinato sa kanya ang lollipop.

Nasalo naman niya iyon.

“Happy birthday.”

Iyon ang huli kong sinabi bago ako tuluyang naglakad palayo.


Kabanata 10

I N T E R B Y U

Alas-otso ng umaga dito sa talyer.

Mainit na agad kahit maaga pa. Humahalo sa hangin ang amoy ng grasa, usok ng sigarilyo, bakal, at alikabok na tila permanenteng nakakapit sa lugar na ito.

“Kirby,” biglang lapit sa akin ni Cholo. “Single ba ’yang classmate mo?” tukoy niya kay Leila na kasalukuyang nasa harapan namin.

Abala sina Leila, Menard, at Lance sa pagse-set up ng interview. Inaayos ni Leila ang upuan habang si Menard naman ay tutok sa tripod at kamera. Si Lance? Kung anu-anong pinipindot kahit halatang wala naman siyang alam.

Lahat kami ay naka school uniform, dahil mamaya ay didiretso kaming campus.

Tulad ng napagkasunduan namin ng lalaking iyon, ngayong umaga namin gagawin ang interview para matapos agad. Mamaya pa kasi kami pupunta sa ibang lugar para rin sa ilang interview.

Ngayon ko lang nakita nang maayos ang kabuuan ng talyer.

Hindi naman pala ganoon kadumi. Isa lang talaga itong normal na pagawaan ng sasakyan. Mataas ang kisame, maliwanag ang fluorescent lights, at may malaking industrial fan sa gitna na paikot-ikot ang pag-ihip.

Kung hindi mo alam ang mga nangyayari rito tuwing gabi, iisipin mong ordinaryong talyer lang ito.

Pero alam ko na hindi.

Para bang sa umaga, nagsusuot ng maskara ang lugar na ito para magmukhang maayos.

Ang mga tauhan naman niya ay tila nagpapasigla, kaliwa’t kanan ang ginagawang pagtatrabaho sa mga sasakyang tila nagpapagawa sa kanila, parang walang bahid ng pagkalasing at wasak kagabi.

Hindi naman ganoon kaingay, kaya ayos lang kung dito namin gagawin ang interview. Pinili naming dito na lamang sa talyer para hindi na nakakaistorbo sa kanila.

Sasadyain na lang namin mamaya para kuhanan ng mga picture at video ang Tandang Sora.

“Ano?” tugon ko kay Cholo.

“Ang sabi ko ay kung may syota na ba yung classmate mo?” paguulit niya. Suot nito’y puting tshirt na sa tingin ko ay mamaya puro grasa na.

Tumango ako.

“Meron na.”

Napakamot siya sa ulo.

“Kahit naman siguro wala, hindi ka rin no’n matitipuhan,” pang-iinis ko sa kanya.

“Sakit mo naman magsalita, Kirby.” Parang bata niyang turan.

Napailing na lang ako.

Nakatayo ako rito sa gilid habang hinihintay lumabas ang lalaking kasalukuyang nagbibihis sa loob ng opisina niya.

“Saan pala kayo nagpunta ni Senyorito kaninang madaling araw?” tanong ulit ni Cholo.

At parang sinadya ng tanong niya na ibalik sa isip ko ang lahat ng nangyari kagabi.

Ang voice message. Ang mga salitang binitiwan ni Seiko. Ang paraan ng pagdurog niya kay Joaquin habang wala itong kaalam-alam.

Halos hindi nga ako nakatulog dahil sa inis at bigat ng narinig ko.

Ang mas masakit pa? Umaasa pa rin siya.

Nagkibit-balikat na lang ako.

“Hinatid niya lang ako.”

Tumang-tango siya bago sabay kaming napabaling sa harapan, pinapanood ang mga nangyayari.

“Alam mo ba Kirby,” baling niya ulit sa akin. “Simula noong tinuruan mo si Senyorito sa pag-iingles niya, mas nakita kong naging masigla siya.”

Napatingin ako sa kanya.

“Masaya din naman siya dati, lalo na noong magkasama sila nung syota niya,” ani pa niya. “Pero mas masaya siya ngayon.”

Tumang-tango naman ako at pilit na iniintindi kung anong ibig sabihin ng mga salita ni Cholo.

“Mas masaya si Senyorito kasi natututo na siya…” muling bigkas niya. “Natututo na siyang mag ingles-ingles…”

“…at dahil nga natututo na siyang mag ingles. Makakapag-propose na siya sa syota niya.”

Napakurap ako.

“Iyon lang naman ang gusto ni Senyorito,” nakangiti siya. “Ang makahanap ng taong magmamahal sa kanya. Tatanggapin siya. Taong magbibigay sa kanya ng ligaya.”

Napakamot nalang ako ng ulo.

Kung alam mo lang, Cholo.

“Kaya nagpapasalamat ako sa ’yo, Kirby,” tinapik pa niya ako sa balikat. “Kasi tinuturuan mo nang tama si Senyorito.”

Napatango nalang ako.

Kasabay noon ay doon kami nakarinig ng pagtikhim sa likod at sabay kaming napabaling ni Cholo.

“Wow! Ang angas mo naman Boss!” mabilis siyang lumapit sa kanya.

At doon ko siya nakita.

Hindi ko maiwasang mapatitig.

Kanina, mukha lang siyang tambay na hindi natulog.

Ngayon? Para siyang dadalo sa JS Prom, para ring extra sa action movie.

Naka-itim siyang americana na parang pinagkaitan ng plantsa, may asul na necktie na halatang mali ang pagkakatali, itim na slacks na gusot-gusto rin, at makintab na sapatos na mukhang hindi nakakaranas pahiran ng kiwi. Maging buhok niya ay mukhang kalahating bote ng gel ang ipinahid, para bang dinilaan ng baka.

Sa harap niya ay nagsisipalakpakan pa ang mga tauhan niya na tila proud na proud sa pormahan ng Senyorito nila.

Kaming apat naman ay napakamot na lang ng ulo.

Hindi naman kasi kailangang nakasuot siya ng ganyan ka-pormal. Daig pa niya ang Presidente kung nagkataon. Hindi naman pang Hollywood ang atake ng documentary namin.

“Kirby o! Diba, ang angas ni Bossing,” tinawag pa ako ni Cholo.

Siya naman ngayon ay tila sinasadya ang pagtigas ng katawan, naka-smolder pa na mistulang ibinabalandra niya talaga na gwapong-gwapo siya sa sarili niya.

Napailing ako.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanya.

“Bakit naman ganyan ang suot mo?” bungad ko sa kanya. “Gusot-gusot pa, hindi ka ba marunong mag plantsa?”

Nagsalubong lang ang kilay niya.

“Pake mo?” singhal nito.

Napailing naman ako.

Muli akong napatingin sa necktie niyang hindi maayos ang pagkakasuot.

Bahagya akong humakbang papalapit sa kanya, inabot ko ang kanyang necktie at doon ito inayos ng mabuti.

“Masyado mo namang pinaghandaan,” mahina kong bulong sa kanya habang inaayos ko ang kanyang necktie.

Kibit balikat lang siya, “Documentary ’to. Hindi audition ng pinoy adaptation sa pelikula ni James Bond.”

Matapos kong ayusin ang kanyang necktie ay dahan-dahan kong inangat ang aking ulo para siya’y balingan ng tingin.

Halos lapit ang aming mga mukha, amoy na amoy ang kanyang hininga na tila gumamit din ito ng mouthwash, matapang din ang pabango na tila ipinaligo niya ito sa sarili niya.

Naghanda talaga ang gago.

Sinasadya ko siyang titigan sa kanyang mga mata hanggang sa sumuko siya.

“Doon ka nga…” mahinang singhal niya bago ako bahagyang itulak sa dibdib at umiwas ng tingin.

Napangiti na lang ako.

Si Cholo naman ay nakangisi na parang asong nakakita ng pagkain.

“Magandang umaga po, Sir,” singit ni Lance sa amin na malawak ang pagkakangiti. “Ayos na po kayo?”

Tumango ang lalaking ito bago mabilis na humakbang papunta sa harapan at umayos ng upo sa may kataasang banko.

Inakbayan ako ni Lance bago ito bumulong sa aking tenga.

“Landi mo ha…”

Siniko ko agad siya.

Nagsimula na ang pag interbyu sa lalaking ito.

Tulad ng aking inaasahan, panay kayabangan ang lumalabas sa bibig niya, pero kahit ganoon ang sagot niya ay may laman naman kahit papaano.

Mga tanong na paano siya ang namumuno sa dalawang Barangay dito sa Pugad Lawin.

“Sa pera ko umiikot ang lahat,” sagot niya. “Sinusuportahan ko ang mga negosyo nila, ako ang nagbibigay ng trabaho sa ilan, at sa akin lumalapit ang nangangailangan.”

Mga sagot niya na alam kong may bahid ng kasinungalingan. Alam ko dahil may bahaging iyon ang totoo.

Sanay na sanay siya sa kamera, para bang natural na sa kanyang nagkukuwento, nagyayabang, at nagsasabi ng mga kasinungalingan.

Si Cholo ay nasa tabi ko, nandito sa likod ng camera kung saan nasa unahan namin si Leila at Menard, na silang nagbibigay ng tanong sa kanya.

Hinanap ng mata ko si Lance at doon ko kitang nakikipagkuwentuhan sa mga tauhan ng talyer.

“Kilala ang Pugad Lawin bilang isa sa mga pinaka-mapanganib na lugar,” seryosong tanong ni Leila. “Ano po masasabi ninyo rito?”

“Ang totoo niyan…” ngumisi si Joaquin. “Ako ang mas kinatatakutan.”

Napapikit na lang ako.

“Sabi nila ako raw ang agila,” tuloy niya. “Kitang-kita ko lahat ng galaw dito. Kaya kapag may maling ginagawa…” ngumisi siya. “Mananagot sila.”

Napailing ako.

Oo, mananagot talaga. Kasi ibibitin nilang patiwarik o kaya itatapon sa ilog.

“Importante ang may magaling na namumuno…” tila wala sa wisyo niyang patulog na pagsagot, “Katulad ko na bukod sa gwapo, magaling pang tagapamahala ng lugar namin.”

Sabay-sabay na lang kaming napapakamot ng ulo.

Si Cholo naman ay napapapalakpak pa at tila proud na proud sa kagaguhan ng Senyorito niya.

“Kung titingnan po natin, maraming kaso ng pagnanakaw at mga gumagamit ng ilegal na droga dito sa Pugad Lawin,” wika ni Leila. “Paano niyo ho nilulutas yung ganoong problema?”

Ngumisi siya, alam ko ng mali ang isasagot niya.

“Putol ulo, tapon ilog,” tila normal na sa kanyang bibig ang magsabi ng ganoon. “Maraming nagsasabi na gumagamit ako ng droga. Pero sa mukha kong ito?” tinuro pa niya ang mukha niya.

“Mukha ba akong nagdodroga? Hindi rin ako magnanakaw,” ani niya.

Muling napakamot ng ulo si Leila.

“Hindi ko naman po sinabi na gumagamit kayo o magnanakaw,” tugon ni Leila. “Ang tanong ko po ay paano niyo nilulutas ang ga-”

“E ’di sinabi ko na!” putol niya.

Napailing na lang ako.

Kung isasama namin lahat ng sagot niya rito, baka kami pa ay bumagsak.

Maya-maya ay napunta naman ang usapan sa kalat at polusyon sa lugar.

Doon siya naging seryoso kahit paano. Inamin niyang may mga pagkakataong napabayaan niya ang lugar.

Napatingin ako sa kanya.

“Pero ang totoo niyan…” naging seryoso ang boses niya at doon bumaling ng tingin sa akin. “…may nakilala akong isang tao.”

Napasinghap naman ako.

“Isang tao na nagturo sa aking maging tao,” lahad niya.

Biglang parang uminit ang tenga ko.

“Isang taong tumanggap sa akin bilang ako.”

Hindi ko naman alam kung anong dapat kong maramdaman.

“Isang taong pinaaalala sa akin ang mga maling bagay na dapat ay itama ko.”

Napatango nalang ako at hindi mapigilang mapangiti ng bahagya.

“Kaya kung makikita niyo ang Tandang Sora,” ani niya. “Ibang-iba sa imahe kung paano ito makita ng iba.”

Sumilay na lang ang ngiti sa labi ko.

“Ibang-iba talaga ang tama kay Senyorito ng syota niya,” bulong sa akin ni Cholo.

Bumaling ako sa kanya at napakurap nalang, ngumiti na parang sinasabing ‘alam mo ba kung anong sinasabi mo? Kalbo!’

Makalipas ang ilang minuto ay natapos din ang interview. Punong-puno ng kayabangan, kasinungalingan, at kung minsang katiting na katotohanan.

“Ayos ba mga sagot ko?” bungad agad ni Joaquin nang lumapit siya sa amin ni Cholo.

Tumango ako.

“Galing mo,” sarkastikong tugon ko sa kanya.

“Ako lang ’to. Sabi ko naman sa ’yo eh.” Pagmamayabang pa niya, sarap kutusan sa ulo ng gago.

“Kirby!” biglang hiyaw ni Lance na wala ng ginawa kung hindi mangialam sa mga taong nagtatrabaho doon.

Napabaling naman ako sa kanya doon sa may unahan, kalapit ng mga sasakyan.

“Ano?” tugon ko.

At doon ay nakita ko siyang may bibit sa magkabila niyang kamay.

Humahakbang siya papalapit sa aming pwesto.

Nagtataka man sa kanyang bibit ay alam ko na kung ano ito.

“Ito yung gulo ng motor ko, Kirby.” Salubong ni Lance ng tumigil siya dito sa kinatatayuan namin.

Mabilis akong napabaling ng tingin sa gagong lalaking ito.

Ngumisi lang siya, nagkibit balikat at mabilis na umalis sa harapan ko.

“Hoy!” depensa agad ni Cholo. “Hindi namin ’yan ninakaw ha!”

Alas-dyis ng gabi dito sa bahay namin.

“Tita, thank you so much po!” si Lance. “Tito thank you, next time na lang yung season two,” dagdag pa niya.

“Una na po ako!” paaalam niya sa dalawa na ngayon ay nasa sala, nakaupo sa sofa habang nakabukas ang tv sa harapan.

“Ingat ka pag uwi.”

“Ingat Lance sa pagmamaneho.”

Buti naman at naisipan na rin nitong umuwi.

Pakiramdam ko kasi anumang oras ay bibigay na ang katawan ko sa pagod. Hindi pa ako nakakabawi ng tulog simula noong madaling araw.

Pagkatapos ng mahabang araw na ito, mula sa interview namin kanina sa talyer, hanggang Cubao, hanggang sa kung saan-saang parte pa ng Metro Manila para lang habulin ang interviews ng mga public servant na iyon ay dumiretso pa kami sa campus para magpasa ng ilang requirements.

At pagkatapos ng lahat ng iyon, dito pa dumeretso si Lance sa bahay para maghapunan at makipag-movie marathon kina Mama at Papa na para bang dito na talaga siya nakatira.

Buti na lang at walang tinda sina Mama at Papa ngayon dahil Biyernes ang pahinga nila.

Ako naman ay nakapangtulog na.

Handang-handa ng humiga at magpakalunod sa tulog sa oras na makaalis ang lalaking ito.

“Bakit hindi mo sinasabi kila Tita na tinuturuan mo yung si Joaquin?” tanong niya.

Kasalukuyan na naming binabaybay ang daan palabas.

“Hindi na kailangang sabihin pa,” tipid kong sagot.

“Bakit naman?”

“Basta! Huwag nang maraming tanong, pagod na ako ngayong araw,” singhal ko sabay tawa na lang niya.

Tuluyan kaming nakalabas dito sa gate at himalang buong-buo ang motor niya.

“Mukha namang mabait yung si Joaquin,” ani pa nito habang sinusuot ang helmet niyang kulay violet.

“Mukha lang,” mabilis kong sagot.

“Ikaw ha,” nakangisi nitong panunukso. “Crush mo lang ’yon eh.”

Pinangdidilatan ko nalang siya, tuluyan na itong sumakay sa motor niya at doon pinaandar ang makina.

“Huwag mo nang itanggi,” muli niyang pangungulit. “Kilala kita. Ibang-iba yung tingin mo sa kanya. Mga type mo yung ganoon, matapang ang mukha, maangas, badboy ang datingan.”

“Alam mo ikaw!” mabilis ko siyang binatukan sa helmet, “Dami mo ring alam ano? Umalis ka na nga!”

Napatawa na lang ito.

“Basta mag-ingat ka. Malaki ka na,” aniya pa nito. “Huwag ka lang masasaktan, baka masapak ko sila.”

“Umalis ka na! Shoo! Shoo!” pangtataboy ko rito.

Hindi na siya nagsalita pa at diretsong pinatakbo ang kanyang motor.

At sa pag-alis niyang iyon ay napangiti na lang ako.

Mabuting tao si Lance. Mabait kahit may pagkapilyo. Talagang maituturing ko siyang totoong kaibigan, para ko na ring kapatid.

Kasa-kasama ko siya noon sa hirap at ginhawa, naging daan ko na rin siya para iligtas ako sa mga kapilyuhang sinubukan ko ring gawin noong high school. Masaya ako na may kaibigan akong tulad niya.

Nang tuluyan nang mawala sa paningin ko ang ilaw ng motor niya, saka ako bumalik sa gate para isara iyon.

Ngunit bago ko pa tuluyang maisara, may isa pang motor na huminto sa tapat namin.

At agad kong nakilala kung sino.

Si Joaquin.

‘Ginagawa naman niya rito?’ tanong ko sa aking isipan ng tuluyang siyang nakababa ng motor.

Ngayon ko nalang ulit siya nakita sa pang-kalye niyang suot. Sandong itim, boxer shorts na si Spongebob naman ang nasa harapan.

Mukhang tambay na biglang naligaw dito sa daan.

“Anong ginagawa mo dito?” agad kong singhal. “Anong oras na.”

Hindi siya agad sumagot.

Diretso lang siyang nakatingin sa akin habang dahan-dahang lumalapit sa gate. Humawak pa siya sa bakal na rehas dahilan para magmukha talaga siyang preso.

“May tubig kayo?” tanong niya. Halatang nang-aasar.

“Wala!” singhal ko.

“Pagkain?”

“Wala!”

“Grabe ka naman sa akin!” atungal niya, “Matapos mo akong pakinabangan kanina, ganyan ka na umasta?”

Napakurap ako bago may biglang sumingit na alaala sa isip ko.

“Kayo ’yung nagnakaw ng gulong ni Lance, ano?”

“Ha? Hindi ah!” mabilis niyang depensa. “Wala kang patunay kaya huwag mo akong pagbintangan.”

“Anong walang patunay? Nakita nga mismo ni Lance ’yung gulong niya sa talyer n’yo!”

Hindi na naman siya agad nakasagot.

Talagang may diperensya sila sa utak.

“Ano bang kailangan mo?” nasabi ko na lang dahil ayoko ng pahabain pa ang diskusyon. Gusto ko ng magpahinga.

Tumikhim muna siya at doon naging seryoso ang mukha.

“Samahan mo ako.”

Napakunot noo ako.

“Saan?”

“Sa Linggo.”

“Saan nga?”

“Sa bahay.”

“Anong meron?”

“Tumawag sa akin si Mama,” sabi niya. “Pinapapunta ako sa Linggo. Yung kasiyahan na sinasabi ko sa ’yo.”

“Ha? Bakit mo ako isasama?”

“Ayokong mag-isa.”

Halos mapatawa ako sa sinabi niya.

“Ayoko! Idadamay mo pa ako diyan!” tanggi ko sa kanya.

Umiling ito. “Sige na o. Minsan lang ako humingi ng pabor sa ’yo.”

“Wow ha? Minsan lang humingi ng pabor?” taas kilay kong tugon. “Matapos lahat ng pagtuturo ko sa ’yo? Hindi pa ba sapat ’yon?”

“Sige na, sumama ka na. Babayaran kita kung gusto mo.” muli niyang hirit. “Madaming poreyndyer doon. Diba sabi mo na dapat ay may makausap ako para maensayo ko ang pagsasalita ko.”

“Ayoko.”

“Ito naman. Sige na o.”

“Ayoko. Si Cholo na lang,” tanggi ko pa rin.

“Aba! Anong silbi ni Cholo doon.”

“Eh anong magiging silbi ko doon? Alalay mo?” taas kilay kong tugon sa kanya.

Tumango nga ang gagong ito sa sinabi ko.

“Sasabihin ko secretary kita sa negosyo ko.”

“Wow ha.”

“Sige na pumayag ka na…” mas naging seryoso ang mukha niya.

Kitang-kita ko sa mga mata niyang kailangan niya talaga ng kasama.

“Malay mo ito na ’yung pagkakataon ko para bigyan ako ni Papa ng pagkakataon na humawak ng negosyo niya sa Amerika.”

Napatahimik ako.

“Hindi ba’t ikaw rin naman nagsabi sa ’kin na subukan kong kumausap ng imbestor?” dagdag pa niya. “Mas maganda kung nandoon ka. Para matulungan mo ako.”

Napakapit na lang ako ng sentido.

Hindi ko ba alam kung ano ba talaga itong pinasok ko. Bukod sa gamitin niyang guro sa pagtuturo sa kanya ng English, ay gagawin pa akong secretary para mangbudol ng tao.

Walanghiya naman o.

“Anak sino ’yan?” rinig kong wika ni Papa doon sa may pintuan.

Nanlaki agad ang mata ko.

“Ah…eh…” utal kong sagot bago ako mabilis na bumaling kay Joaquin.

“Umalis ka na,” pangtataboy ko sa kanya.

Umiling ito.

“Sige na, Kirby. Samahan mo na ako.” Desperado na ang boses niya.

“Sige na, umalis ka na!” bulong na singhal ko sa kanya habang pilit siyang itinutulak palayo sa gate.

“Kirby? Sino ba ’yan?” muling wika ni Papa sa likod na ngayon ay humahakbang na papalapit dito.

Mabilis akong bumaling kay Papa.

“Ah…Pa…”

Bumaling ako ng tingin kay Joaquin, seryoso pa rin siyang nakatingin sa akin.

“Baliw, Pa. May baliw,” mabilis kong palusot. “Nanghihingi ng pagkain.”

“Baliw?”

“Oo, Pa! Kuha ka ng pagkain sa loob.”

“Sige teka.”

Nakahinga ako ng bahagya.

Mabilis akong bumaling ng tingin kay Joaquin na ngayon ay magkasalubong na ang kilay.

“Umalis ka na,” pilit kong sabi.

“Samahan mo na ako, Kirby. Sige na.”

“Oo na! Sige na! Basta umalis ka na!”

Tuluyan na siyang nakumbinsi.

“Sabi mo ’yan ha. Wala ng atrasan.” Paninigurado pa nito kasabay ng tuluyan niyang pagsakay sa motor niyang vintage.

“Alis na!” singhal ko.

Ini-start na niya ang makina ng motor niya.

“Sige ha. Bukas nalang ulit.” Sabi pa nito.

“Anong bukas? Magpapahinga ako bukas.”

“Hindi. Tuturuan mo ako bukas,” muli niyang hirit.

“Nasaan na ang baliw, anak?” rinig kong tanong ulit ni Papa mula sa likod.

Napapikit ako sa inis.

“Sige na! Oo na! Umalis ka na! Bilis!” pantataboy ko rito.

At sa wakas, hindi na siya humirit pa.

Mabilis niyang pinatakbo ang motor niya paalis sa harap ng bahay namin.

Napahinga ako ng maluwag.

“Nasaan na ’yung baliw, anak?” tanong muli ni Papa paglapit niya sa akin.

“Umalis na, ’Pa.”

Kabanata 11

K Y A

P O

Alas-syete na ng gabi.

Madilim na ang kalangitan ngunit dito sa aming pwesto ay sobrang liwanag dahil sa ilaw mula sa kabi-kabilang tindahan.

Sa kahabaan muli ng Carriedo Street dito Quiapo, kaliwa’t kanan ang mga nagtitinda ng samu’t saring street food at affordable na pagkain. Marami na rin ang mga tao, mga dayo para lang kumain.

Nandito kami ngayon sa isang sulok, sa tapat ng sikat na food truck na pares ang tinda.

Halos puno ang bawat lamesang nakalatag sa harapan ng food truck. May mga nakatayo pang naghihintay ng bakanteng upuan.

Habang magkaharap kaming nakaupo ni Joaquin sa isang maliit na plastic na mesa. Sa harapan namin ay umuusok pa ang bagong serve na pares na ngayo’y sinisimulan na ulit kainin ng lalaki sa harapan ko.

Sa kanang bahagi naman ay nandoon pa ang isang mesa na ngayon ay doon nakaupo ang mga alipores niya. Si Cholo, Joshua, yung isang kamukha ni Roderick Paulete, at isa pang niyang tauhan na hindi ko matandaan ang pangalan.

Abala rin silang kumakain habang nagtatawanan sa mga biro na sila-sila lang ang nakakaintindi.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit kailangan pa silang isama ni Joaquin.

Pansin ko ring halos lahat sila ay nakaporma.

Mga nakasuot ng itim na jacket, polo, maluwag na t-shirt. Pulidong naka-gel ang buhok, at mukhang pinag-isipan talaga ang susuotin. Para ba silang unang beses na makakapunta sa BGC.

Kulangan na lang ng shades sa gabi at tuluyan na silang magmumukhang mga geng-geng o kung ano mang tawag nila ngayon doon…young stunna?

Samantalang ako? Nakapambahay lang.

Tumakas lang din naman ako kanina, mabuti na lang at nakapag-text ako kay Papa na baka mahuli ako ng uwi.

“Ano ba kasi yung ginagawa doon sa inyo?” tanong ko sa kanya habang patuloy ang pagkain nito. “Hindi ko alam kung anong tamang ituturo sa ’yo.”

Halos ilang oras na rin ang ginagawa kong pagtuturo sa kanya. Mga basic english conversation.

“Basta parang kumustahan lang,” sagot niya tinuro pa ako gamit ang kutsara.

“Tinatanong kung anong tinapos, anong pinag-aralan, at anong negosyo.”

Para namang wala talaga siyang gana sa pupuntahan niya bukas.

Parang bata na pinilit umattend ng family reunion.

Naranasan niyo ’yon? Yung feeling na ayaw mong umattend ng reunion kasi nahihiya ka sa mga second and third cousin mo? Wala lang, basta ayaw mo lang ganon. Ayaw mong makita ang tita mo na grabe kung makahusga sa pagkatao mo, na para bang hindi siya laman ng simbahan tuwing linggo.

“Yung mga imbestor…” pagpapatuloy niya. “Para silang nagpapaligsahan. Nagpapagalingan sila, sumisipsip sa mga kapatid ko saka kila Papa.”

Humigop muna siya ng sabaw bago muling nagsalita.

“Sa huli naman, si Papa rin yung pipili at nagbibigay kung sino yung makukuhang imbestor sa negosyo niya. “

“Ano ba yung negosyo ng Papa mo?” hindi ko na napigilang usisa.

Natigilan siya.

Diretso siyang bumaling sa akin.

“Ril Estet.”

Napakunot ang noo ko.

“Ril Estet?”

“Yung lupa-lupa, pabahay ganon, parang kondo-kondo,” paglilinaw niya.

Napailing ako.

“Real Estate.”

“Kahit ano.”

Kibit balikat siya bago ulit ipinagpatuloy ang paghigop sa sabaw ng pares.

Napaisip nalang ako.

“Ang yaman niyo masyado. Kaya buhay na buhay ka pa rin hanggang ngayon eh.”

Nabilaukan siya ng bahagya sa sinabi ko, mabilis siyang bumaling sa akin.

“Ulul!” depensa niya agad. “Sarili kong pera ang bumubuhay sa akin! Lahat ng pinang-puhunan ko ay mula sa kamay ko.”

Napataas na lang ako ng dalawang kamay, “Okay-okay. Sabi mo eh,” pagsuko ko.

Muli niyang itinuloy ang pagkain kaya napabaling na lang ang tingin ko sa paligid ng Carriedo.

Maingay. Mausok. Madaming pagkain.

Madalas kaming tumambay dito noon ni Lance, food trip talaga ng malala. Tawag namin sa kahabaan ng street na ’to ay hepa lane version two. Yung original na hepa lane ay malapit sa isang kilalang unibersidad.

Napabaling naman ako kila Cholo sa gilid. Tuloy-tuloy ang tawanan nila sa bagay na sila rin ang nagkakaintindihan.

Napatingin naman sa akin si Joshua na sobrang angas sa suot niyang itim na polo.

Ngumiti siya.

Ngumiti rin ako bilang pagbati.

“Hoy.” Bigla akong kinulbit ni Joaquin. “Pa-repil mo nga ng sabaw ’to doon.”

“Ano?” baling ko.

“Palagyan mo ng sabaw, bilisan mo,” inis niyang turan habang langis-langis ang kanyang bibig.

Napataas ang kilay ko, “Wala kang paa? Ikaw ang magpalagay!” singhal ko rito.

Sumimangot lang siya, “Bilisan mo na! Bilis!” pilit na inaabot sa akin ang mangkok niya para pa-refillan ng sabaw ng pares.

Unlimited pares kasi ito.

Pero kahit unlimited ay hindi ko magawang maubos ang nasa tasa sa harapan ko.

Napabuntong hininga na lang ako, kasabay ng pag abot ng mangkok sa kamay niya.

“Tamad mo!”

“Bilisan mo!”

Wala akong ibang nagawa, mabilis akong tumayo at humakbang papunta lang dito sa food truck na dipa lamang ang layo. Sadyang tamad lang talaga itong lalaking ito.

“Kaibigan mo ’yang mga ’yan?” mahinang bulong ng matandang lalaki na ngayon ay inabot ang mangkok na hawak ko.

Batid ang panghuhusga sa boses niya.

Hindi ako sumagot.

“Nako-nako. ’Wag kang magsasama sa mga ganyan, baka madamay ka lang sa gulo.” Sinasalinan na niya ng sabaw ng pares ang mangkok.

“Pati ba’t nandito kayo? Hindi niyo ba alam na lugar ito ni Rigor?” ani pa nito.

“Pakibilis na lang ho,” tanging nasabi ko, bago ko kinuha ang mangkok na kaka-refill lamang ng sabaw.

’Di ko na ’yon pinansin pa at bumalik na ako rito sa kinauupuan naming dalawa.

“O,” mabilis kong ipinatong sa lamesa ang mangkok niya.

“Dahan-dahan naman!” atungal nito ng may natapon na sabaw.

Napairap na lang ako sa inis.

“Hindi mo ba alam na lugar ito ni Rigor?” bulong ko naman sa kanya habang sinusuyod ang mata sa paligid.

“Sino may sabi?” tugon naman niya.

“Yung magpapares,” baling ko.

Kibit balikat naman itong lalaking ito.

“Alam ko.”

Napakurap na lang ako.

“Alam mo?” tugon ko.

“Kaya ko nga sinama sila Cholo eh,” humigop siya ng sabaw.

Napailing ako. “Idadamay mo pa ako sa gulo eh.”

“’Wag kang mag-alala, hindi ka naman masasaktan…” wika nito.

Diretso siyang tumingin sa akin. “Hindi rin naman kita pababayaan…”

Sandaling natahimik ang paligid ko.

Nakatingin lang siya sa akin.

Ngumingiti na parang tanga.

Para bang madali lang sa kanya na sabihin ang mga salitang iyon.

Mabilis kong kinuha ang tissue sa lamesa at doon ito inginudngod at ipinunas sa bibig niyang puro mantika.

“Salamat ha,” sarkastikong tugon sa kanya bago umayos ng upo.

Napakagago.

Kainis.

“Kinikilig ka ba?” ani niya.

“Gago!” mabilis akong umiwas ng tingin sa kanya.

“Sus. Kinikilig ka eh…” pang-iinis niya.

“Ano ba!” muli kong dipensa.

“Siguro tipo mo yung mga katulad ko?” tila ba wala sa wisyo nitong wika. Halatang nangtitrip lang.

Mabilis akong bumaling at itinaas ang aking mga kilay.

“Ikaw? Trip ko?” dinuro ko pa siya.

“Mukha ngang hindi ka naliligo!” singhal ko.

Napatawa na lang ito habang nagpatuloy sa paghigop ng sabaw.

“Pati anong basehan mo sa sinasabi mo?” ani ko pa.

“Hindi porket ganito ako, ay may gusto na agad ako sa ’yo. May standard naman ako, ano? Kapal naman ng mukha mo.”

Isa sa mga ikinaiinis ng mga katulad ko ay ang mga lalaking singtuwid pa ng poste ng meralco, na akala mo ay lahat ng bading ay nagkakagusto sa kanila. Hello?

Kibit balikat lang siya. Sarap sapukin sa mukha, sobrang kapal.

“Sus. Dami mong sinasabi mo,” tugon niya lang. “Hindi rin naman kita papatulan. Hindi ako bakla.” Seryoso pa siyang bumaling sa akin. “Pati may Seyko ng naghihintay sa akin.”

Tila ba kusa na lang naglabas ng usok ang aking ilong sa pang iinsulto niya. Napakuyom na lang ako ng kamao.

“Wala ng naghihintay sa ’yo. Gusto na ngang makipaghiwalay eh, hindi mo ba naiintindihan ’yon?” diretso kong sambit sa kanya.

Umiling siya.

“Kung gusto niyang makipaghiwalay, sabihin niya sa ’kin ’yon ng harapan. ’Wag niyang idaan sa ganon…” mahina ngunit matigas ang boses niya.

“…pati hindi ko ’yon papakawalan. Sa limang buwan naming pagsasama, alam kong nagkakaintinidhan kaming dalawa.”

“Paano kayo nagkakaintindihan? Eh kung sa sex lang naman umiikot ang mundo niyong dalawa?” diretsang singhal sa kanya.

Hindi agad siya nakasagot.

Dire-diretso niyang nilaklak ang natitirang laman ng pares sa mangkok niya.

Pinanood ko na lang siyang ubusin ang pagkaing ito.

Nang maubos niya iyon ay dumighay pa siya.

“Basta!” pinunasan niya ang bibig niya.

“Ako na ang bahala,” tumingin siya sa akin ng diretso. “Gawin mo lang yung trabaho mo sa akin, tulungan mo lang ako hanggang sa matapos na ’to.”

Hindi ako nakaimik. HIndi ko alam kung maaawa ba ako sa kanya.

“Palagyan mo nga ulit ’to ng sabaw,” muli niyang inabot sa akin ang mangkok.

Napailing na lang ako. “Kainin mo na lang ’tong akin. Nawalan na ako ng gana sa ’yo.”

Hindi na siya umimik pa, mabilis niyang kinuha ang tasa ng pares ko kasabay ng pagkain dito.

Lumipas pa ang ilang oras.

Tila ba sinusulit nila ang unlimited na pares dito sa aming pwesto. Hanggang ngayon ay wala silang ginagawa kung hindi ang kumain at magsayang ng laway sa mga kuwentong wala namang saysay.

Inutusan pa niya kanina si Cholo na bumili ng tusok-tusok na pagkain dahil gutom na gutom daw sila.

Kaya ngayon ay may mga kwek-kwek, fishball at kikiam sa harapan ko, na dahil sa tagal ng gabing ito ay napapasubo na lang din ako.

Sa totoo lang, gusto ko na lamang umuwi.

Pagod na ako. Pakiramdam ko’y ubos na ubos na ang social battery ko.

Bukod sa walang tigil na ingay ng Quiapo, mga busina ng sasakyan, paligsahan ng mga sigaw ng mga tindero ay unti-unti na rin akong nabibingi sa mga yabang at kathang-isip na kuwento ni Joaquin.

“Can you tell me what your business is?” tanong ko sa kanya, muli kaming nageensayo.

Nagkunwaring isip-isip pa siya kahit na alam kong mali-mali na naman ang isasagot niya.

“Ah. Bisnes. May bisnes is…” seryoso pa siya, “Bisnes is…”

Para bang sinasadya niyang huminto pa sa sasabihin niya.

“Bisnes is…pautang.”

Napakurap ako.

“Anong pautang?” napakamot ako ng ulo.

“Pautang nga.”

“Hindi mo pwedeng sabihing pautang,” napakamot ako ng ulo. “Foreigner ang kausap mo, foreigner hindi tambay lang sa kanto. Ipaliwanag mo kung anong negosyo mo.”

“Hirap kasi!” inis nitong tugon.

Kung siya ay naiinis, mas lalo na ako dahil pakiramdam ko ay nagsasayang lang ako ng oras sa kanya.

“Seryoso ka ba talagang gusto mong pumunta bukas?” baling ko sa kanya.

Nagkamot lang siya ng ulo.

“Kung hindi ka naman seryoso sa ginagawa natin, ano pang silbi ng pagtuturo ko?” muli kong wika. “Nagsasayang lang ako ng oras sa ’yo.”

“Ayoko naman kasi talagang pumunta.”

Napakunot noo ako.

“Napipilitan lang ako.”

Mas lalo akong nainis.

“Eh kung ayaw mo naman palang pumunta, edi ’wag kang pumunta? Napipilitan ka lang naman pala eh.”

“Nahihiya lang ako…” sabi pa niya.

“Kanino ka naman nahihiya?”

“Kay Mama,” mabilis ngunit mahinang tugon niya.

Isa iyon sa mga bagay na napapansin ko sa kanya.

Kapag tungkol sa mga kalokohan niya, kaya niyang paikot-ikutin ang isang kuwento hanggang hindi mo na alam kung alin ang totoo. Pero kapag tungkol sa nararamdaman niya, diretso siya.

Minsan nga ay masyadong diretso.

At sa tuwing napupunta ang usapan namin sa pamilya, may kung anong nag-iiba sa kanya. May lalim. May kung anong bigat.

Parang hindi niya kayang basta ipakita sa iba.

Kaya minsan ay napapatanong ako na kung lahat ng mga kapatid niya ay mga propesyonal, bakit siya lang ang naiiba?

“Bakit ka naman nahihiya?” tugon ko.

“Wala kang pake,” mabilis niyang singhal.

Kasasabi ko lang na diretso siya magsalita sa bagay na nararamdaman niya eh.

“Kung nahihiya ka sa Mama mo. Ayusin mo.” Seryosong baling ko sa kanya.

Bumaling naman siya ng ayos sa akin.

“Basta punta na lang tayo. Kahit na anong mangyari, kumain nalang tayo,” wika niya. “Basta samahan mo lang ako.”

Ramdam ko naman na napipilitan lang din siyang pumunta. Hiya lang siguro sa nanay niya.

Napatango na lang ako.

Kakaiba talaga ang lalaking ito. Hindi ko maintindihan. Kulang nalang talaga ay isipin kong may sakit siya sa utak.

“O sige ganito. Makinig ka.” Wika ko sa kanya ng doon ako may maisip na ipapagawa dito.

Bumaling naman siya sa akin at handang makinig sa sasabihin ko.

“May ipapagawa ako sa ’yo,” panimula ko.

“Bukas ay kailangan mong may makausap na investors. Lima.”

“Lima?!”

“Oo, lima. Limang foreigner at dapat masabi mo sakin kung anong mga pangalan nila,” panghahamon ko sa kanya.

“Ang hirap naman,” napakamot siya ng ulo.

“Hindi ka takot manikil at mangbugbog ng tao, pero takot kang mag salita ng English?” singhal ko rito.

Umiling siya.

“Makinig ka,” muli ko siyang dinuro. “Hindi ka matututo kung hindi mo susubukan. Hindi naman pwedeng ako lang ng ako ang kausap mo,” pagpapaalala ko.

Natameme na lang siya.

“Mas mabilis kang matututo kung ikaw mismo ang makakaranas.”

Napakamot siya ng ulo at wari’y napatulala dahil sa hamon ko sa kanya.

Napangisi nalang ako at hinintay kung anong magiging tugon niya. Dahil sa pagkakataong ito, alam kong nagiisip-isip na siya.

Ngunit ilang segundo pa ay parang bigla na lang dumilim ang paligid.

“Boss si Joaquin!”

Nakita ko ang mabilis na pagtayo nila Cholo, agad-agad silang lumapit dito sa aming pwesto.

“Anong gusto niyo ha!?” salubong na sigaw ni Cholo.

Dahan-dahan akong napatingla sa likod ni Joaquin, dahil may grupo ng kalalakihan ang pumalibot sa amin.

Napalaki ang mga mata ko ng makitang may mga nausling baril at mga patalim sa bulsa nila.

Kung mukhang geng-geng itong sila Cholo, mukha namang mga high class jejemon ang grupong lumapit sa amin.

Ngunit sa lahat ng mga jejemon na ito, nabaling ang aking tingin sa lalaking nasa likod mismo ni Joaquin.

“Joaquin!” malalim ang kanyang boses, tila nanggagalaiti sa galit.

Napalunok ako.

Balbas sarado siya, malinis ang pagkakagupit ng buhok, pang sundalo. Malaking tao na tila batak na batak sa pagbubuhat ng bakal. Ang datingan niya’y tulad ng mga kontrabida sa mga lumang aksyon na pelikula.

Napaigtad ako dahil sa takot.

Napatingin ako kay Joaquin at doon ko ito nakitang nangungusap ang kanyang mga mata, na para bang sinasabing wag akong matakot sa lalaking nasa likuran niya.

“Matapos mong buntalin ang tauhan ko, may kapal ka ng mukha para magpasarap dito sa lugar ko!?” inis na inis na singhal sa kanya ng lalaki.

Hindi lumilingon si Joaquin. Patuloy siya sa pagkain ng kwek-kwek. Parang wala siyang narinig at parang wala siyang kaaway sa likod niya.

“Ang kapal ng mukha mong dalhin ang mga alipores mo rito!” singhal pa niya ngunit tila walang pakialam si Joaquin sa kanya.

“Ano bang problema mo Rigor!” biglang amba ni Cholo, “Hindi naman nakapangalan sa ’yo ang lugar na to ah!”

“Gago! Manahimik ka! Hindi ikaw ang kinakausap ni bossing!” biglang sabat ng isang lalaking nakausli ang ngipin.

“Hayop ka ah! Hindi rin ikaw ang kinakausap ko!”

“Aba gago ka!”

“Mas gago ka! Traydor ’yang tinatawag niyong bossing! Gahaman! Walang utang na loob!” sunod-sunod na sigaw ni Cholo dahilan para mas nagkagulo ang mga tauhan ng dalawang grupong ito.

Wala akong nagawa kung hindi panoorin na lang ang komosyon, habang itong si Joaquin ay parang walang pakialam sa nangyayari sa paligid niya, patuloy lang siya sa pagkain sa harapan ko.

“Traydor ka Rigor! Traydor ka!” ramdam na ramdam ko ang galit sa pagsigaw ni Cholo.

Patuloy ang pakikipagbuno ng mga lalaking ito.

Napatingin ako kay Rigor.

Napalunok nalang ako ng makitang umaapoy na ang mga mata niya habang diretsong nakatitig sa lalaking nasa harapan ko.

Mas dinapuan ako ng kaba at takot sa nangyayari ngayon sa paligid ko.

Ang mga tao naman sa paligid ay parang walang pakialam sa nangyayari dito sa pwesto namin, para bang normal na sa kanila ang may nangyayaring ganito.

Pabalik-balik ang tingin ko sa dalawang bossing ng magkabilang grupo.

Ano bang klase ng mundo ang ginagalawan ng dalawang ito?

Hanggang sa bigla kong makita ang bagay na nagpahinto sa paghinga ko.

Dahan-dahang hinugot ni Rigor ang kanyang baril sa gilid niya at doon ito itinutok sa likod ng ulo ni Joaquin.

Parang may dumaan na anghel, bigla nalang tumahimik ang paligid. Nawala ang sigawan, tawanan, bangayan.

Tanging ang malamig na nguso ng baril at ang kwek-kwek na hawak ni Joaquin ang tila gumagalaw sa sandaling iyon.

Mas bumilis ang tibok ng puso ko.

Hindi ako sanay sa ganito.

Hindi ako sanay makakita ng taong maaaring mamatay sa harapan ko anumang segundo.

“Joaquin!” sigaw ni Rigor, tumatawa pa. “Akala mo lahat pabor sa ’yo! Papatayin na kita gago!”

Mas bumibilis ang tibok ng puso ko.

Si Joaquin?

Tuluyan niyang naubos ang kwek-kwek.

“Rigor…” nagsimula siyang magsalita pero hindi ito lumilingon.

“…mahal kong kaibigan,” mahinang sambit lang niya.

Tumingin siya sa akin ng diretso.

“Masyado ka namang gahaman, kabigan.” Sarkastiko ang tono ng kanyang pananalita.

Para bang ako ang kinakausap niya.

“Binigay ko na lahat-lahat sa ’yo, ibinigay ko na nga rin Toro. Hindi pa ba sapat yon?”

Wala akong alam sa gulo ng dalawang ito, wala akong ideya sa mga salitang lumabalas sa bibig nila.

Basta ang alam ko ay parehong may manok na nagsasabong sa harapan ko.

Ngumisi si Joaquin bago siya muling nagsalita.

“Kaibigan,” mabagal niyang sambit, “Hindi mo mababaliktad ang mga tao ko.”

Hindi ko alam kung anong tinutukoy niya. Hindi ko rin alam kung anong kuwento ang pinagmulan ng galit nilang dalawa. Ngunit kahit wala akong alam sa kuwento nila, malinaw sa akin ang isang bagay na matagal nang may lamat ang pagkakaibigan nilang dalawa.

Nakabaling lang ako ng diretso kay Joaquin at pilit na pinapakalma ang sarili ko dahil sa takot at kaba.

“Kaibigan…” muli niyang sambit.

Ngayon ko lang nakitang ganito ang asta ng lalaking ito.

“Hindi mo ba alam na nakakasilaw ang pera?” patuloy niyang pang-iinis. “Oo, masaya kapag may pera…”

Tumango-tango pa siya na parang tunay na nangiinis.

Si Rigor naman ay pansin kong malalalim na ang ginagawang paghinga na parang maya-maya lang ay kakalibitin na niya ang hawak niyang baril.

“…pero kapag lumalabis na…”

“Kapag mas mahal mo na ang pera kaysa sa mga taong kasama mong naghirap…”

Napakagat ako sa aking labi.

“…hindi ba’t nakakabobo na ’yon?”

Kitang-kita ko ang ugat na bumabakat sa mukha ni Rigor dahil sa mga sinasabi ni Joaquin sa kanya.

Napatawa na lamang si Joaquin ng doon mas inginudngod sa likod niya ang baril.

“Tama ang kapatid mo. Tama si Cholo,” wika niya at ngayon ay wala na ang ngiti niya.

“Masyado ka nang gamahan, kaibigan. Traydor ka. Traydor.” Makahulugang banggit ni Joaquin bago muling kainin ng katahimikan ang paligid.

Segundo.

Minuto.

Isa.

Dalawa.

Tatlo.

Pakiramdam ko’y isang oras na akong hindi humihinga at wala ni isa sa mga taong naroon ang gumagalaw.

Lahat ay naghihintay.

Naghihintay ng isang putok.

“Bossing.”

Biglang naputol ang tensyon dahil sa isang tauhan ni Rigor.

“May pulis.”

Parang bumalik ang lahat sa reyalidad.

Rinig namin dito sa pwesto ang sunod-sunod na pagpito mula sa mga pulis na ngayon ay kita kong papalapit na rito sa pwesto namin.

Ito ang dahilan kung bakit bigla nalang bumababa ang tensyon ng hangin sa pagitan nilang dalawa.

Kita kong dahan-dahan na ibinaba ni Rigor ang pagkakatutok niya sa ulo ni Joaquin.

“Papatayin kita, Joaquin. Papatayin kita!” huling salitang iniwan ng balbas saradong lalaking ito bago sila mabilis na tumakbo kasama ang kanyang mga tauhan.

“Senyorito! Tara na!” si Cholo naman na ngayon ay tila ninenerbyos na.

Kulang nalang ay tawagin niya si Appa para mabilis kaming makaalis dito sa kinapupuwestuhan namin.

Muli kong naramdaman ang aking sarili.

Nanginginig na pala ang mga kamay ko. Nakakuyom ito dahil sa takot at kaba sa mga nasasaksihan ko.

Napatingin ako kay Joaquin.

Nakangiti ito sa akin na para bang walang nangyari.

Para bang hindi nakabaon ang paa niya kanina sa lupa dahil sa ginawa sa kanya ni Rigor.

“Tara, Kirby.”

Hindi ko pa napoproseso ang lahat ay bigla nalang niyang hinakawan ang kanang kamay ko.

Awtomatikong nagbukas ang pagkakakuyom ko ng kamay ng doon niya ito abutin.

At bago pa akong makapagsalita ay hinila na niya ako patayo.

“Teka-”

Nagpaanod na lang ako sa kanya ng doon kami nagsimulang magtakbuhan.

Pasunod kila Cholo ay hindi ko maisip na tumatakas kami sa mga pulis na ngayon ay hinahabol na ang magkabilang grupong ito.

Habang tumatakbo kami sa kahabaan ng kalsada ng Quiapo, tanging likuran niya lamang ang nakikita ko.

Ang malapad niyang balikat. Ang mahaba niyang mga hakbang. At ang kamay niyang mahigpit na nakahawak sa akin.

Sa bawat pagliko namin sa eskinata ay lalo akong hinihingal. Lalo akong napapagod.

Pero ang ipinagtataka ko ay hindi iyon ang dahilan kung bakit mabilis ang tibok ng puso ko.

Hindi dahil sa takot. Hindi dahil sa habulan, sa mga pulis, hindi dahil sa gulo.

Kung hindi dahil sa lalaking nasa harapan ko.

At iyon ang bagay na kinatatakutan ko.

Ito yung pakiramdam na hindi ko gustong maramdaman lalo na at siya ang dahilan.

Kabanata 12

B A Y R U S

Alas dyes na ng gabi.

Tuluyan nang huminto ang vintage na motor na sinasakyan ko sa harap ng bahay namin. Hinatid niya ako pauwi at pasalamat na lang sa Maykapal dahil buhay na buhay pa ako.

Sa buong buhay ko, hindi ko maisip na mararasanan ko ang bagay na ito…ang tumakas sa mga pulis?

Para bang hindi ko nirerespeto ang sarili kong ama.

Bumababa na ako sa motor niya nang hindi umiimik, kahit kanina sa byahe ay tahimik lang ako.

Tahimik lang. Malalim ang iniisip.

Hindi ko na siya nilingon pa at sinimulan kong humakbang papunta sa may gate.

Perwisyo talaga ang virus na ito sa premium subscription ng buhay ko. Noong una ay akala ko na simpleng abala lang siya, isang problemang kailangan kong ayusin.

Pero habang tumatagal, pakiramdam ko’y unti-unti nitong kinakain ang buong sistema ko.

Mga bagay na dapat ay hindi ko ginagawa, mga senaryong hindi ko dapat nakikita, mga taong hindi ko dapat nakikilala, mga sikreto na dapat ay hindi ko alam, at higit sa lahat…

Ang isang pakiramdam na hindi ko dapat nararamdaman.

“Bukas ha. Sunduin na lang kita.”

Pagbasag niya sa katahimikan habang inaabot ko ang kandado ng gate.

Kita ko sa gilid ng aking mata na nakasakay ito sa kanyang motor at diretsong nakatingin sa akin.

Hindi ako sumagot. Patuloy kong binubuksan ang gate.

Ilang segundo ang lumipas.

Nang mapagtanto niyang wala siyang makukuhang tugon mula sa akin, nakita kong bumaba siya sa motor.

“Oy.”

Hindi pa rin ako lumingon.

“Oy, Kirby!”

Itinigil ko ang ginagawa kong pagbukas sa gate bago siya dahan-dahang hinarap.

Bumaling ako ng diretso sa kanya. Seryoso lang ang aking mukha, walang emosyon.

Napakunot noo ito.

“Bakit naman parang pinagsakluban ka ng langit at lupa?”

Hindi ako sumagot. Umiwas na lang ako ng tingin sa kanya.

Nagpalatak ito bago muling nagwika. “Nagulat ka ba kanina?”

Hindi pa rin ako tumugon.

Napabuntong hininga siya. “Ito naman, hindi ba’t sabi ko sa ’yo na kapag ako ang kasama mo ay hindi ka masasaktan?”

“Hindi naman kita pababayaan eh!” turan pa niya sa akin at tinuro pa ako.

Bumaling na ako ng diretso sa kanya.

Mata sa mata.

“Pati tingnan mo. Wala namang masamang nangyari diba?” pangungumbinsi pa nito.

Hindi ako sumagot. Tanging mga mata ko lang ang nag-uusap.

“Natatakot ka ba kay Rigor?” tanong niya. “Hindi naman niya itinuloy yung balak niya kanina. Alam kong hindi niya ’yon gagawin kasi takot din siya.”

Ngumisi siya.

“Buhay pa ako.”

Nakakairita ang ngiting iyon.

“Buhay na buhay.”

Mas lalo akong nainis.

“Mahaba ang buhay ko. May siyam akong buhay. Walang mangangahas na mana-”

“Ganyan ka ba talaga?” hindi ko na napigilang pagputol sa kanya.

Napatikom ang kanyang bibig.

“Ano?”

“Ganoon na lang ba kadali para sa ’yo ’yon?” may inis na sa aking tono.

“Alin ba?”

“Parang laro lang ang buhay para sa ’yo…” napatawa na lang ako sa inis na nararamdaman ko sa kanya.

“…na para bang wala kang pakialam kung mamatay ka na lang sa walang kuwentang dahilan.”

“Ano bang sinasabi mo?” utas niya, “Natatakot ka ba kanina? Hindi naman ikaw yung mamamatay ah.”

“Hindi iyon ang punto ko!”

“Eh ano?!” mabilis niyang utas. “Bakit bigla-bigla ka na lang nagsasalita ng ganyan? Hindi kita maintindihan!”

Huminga muna ako ng malalim. Dahil sa totoo lang, hindi ko rin maintindihan kung anong nangyayari sa akin.

“Paano ka payapang gumigising araw-araw…kung alam mong nakalubog ang mga paa mo sa mundong anumang oras ay pwede kang mawala?” panimula ko.

Kunot noo lang siya dahil alam kong nagtataka ito sa mga sinasabi ko sa kanya.

“Alam ko ang kalakaran ng mga katulad niyo…” pagpapatuloy ko.

“…nababasa ko ’yon sa mga libro, napapanood ko ’yon sa mga drama…”

“…at alam kong lahat ng iyon ay delikado, talagang nakataya ang buhay para lang sa isang bagay na gusto niyong patunayan.”

“Ano bang pinagsa-”

“Wala ka bang balak na magbago?” Hindi ko alam ngunit iyon na lamang ang lumabas sa bibig ko.

Batid ang pagkalito sa mukha niya.

“Magkaiba ang katotohanan kumpara sa mga nababasa mo at napapanood mo, Kirby. Magkaibang-magkaiba ang reyalidad kaysa sa haka-haka lang,” bigkas nito.

“Hindi ’yon magkaiba! Tingnan mo na lang kung anong nangyari kanina? Hindi ba’t kulang na lang ay bumulagta ka sa harapan ko!?”

“Eh hindi naman niya iyo-”

“Ayokong makita kang nasasaktan!”

Tumigil ang mundo.

Nagulat na lang din ako sa sinabi ko. Parang may kung anong nabasag sa loob ko. At wala na akong nagawa para pigilan iyon.

Napatitig na lang siya.

Pakiramdam ko’y mas lalong sinisira ng virus na ito ang sistema ko. Hindi lang ang buhay ko. Hindi lang ang katahimikan ko. Kung hindi pati ang nararamdaman kong pilit kong kinokontrol.

Huminga ako ng malalim bago muling nagsalita.

“Ayokong makita kang ganyan. “ Mas malumanay na ang boses ko. Mas totoo.

Umiwas na lang ako ng tingin.

Alam kong nagtataka siya sa mga salitang lumabas sa bibig ko, hindi ito tumugon at sabay na lang namin na dinamdam ang munting katahimikan dito sa aming pwesto.

Segundo.

Minuto.

Tanging mga paghinga lang namin ang maririnig dito sa kinatatayuan naming dalawa.

Bumaling ako sa kanya.

Seryoso naman ang kanyang mukha bago siya tumango-tango pa na para bang naproseso na niya lahat ang mga sinabi ko.

“Sige na. Pumasok ka na,” seryosong banggit niya. “Magpahinga ka na.”

Napahinga na lang ako ng malalim.

“Susunduin na lang kita bukas.” Huli niyang banggit bago ito tumalikod sa akin.

Hindi na niya hinintay pa ang tugon ko at tuluyan siyang sumakay sa motor niya.

Wala naman akong nagawa kung hindi muling bumaling sa harapan ng gate para tuluyan na itong buksan.

Narinig kong pinaandar na niya ang makina ng motor niya.

Tuluyan kong nabuksan ang gate at bago pa ako tuluyang makapasok ay muli siyang nagsalita.

“’Wag mo nang masyadong isipin ’yon…” Napahinto ako.

“…mag-iingat na lang ako sa susunod.”

Napapikit na lang ako.

“Pahinga ka na. Bukas na lang ulit,” huling wika niya bago nito tuluyang pinaandar ang kanyang motor.

At nang muling tumahimik ang paligid ay napahawak na lang ako sa aking sintido. Inilabas ang malalim na paghinga at napapikit pa.

Pinakaramdaman ang sarili. Ang aking emosyon. Ang aking tunay na nararamdaman.

Iniisip kung tama lang ba ang desisyon kong ito. Kung tama bang hayaan kong masira ang tahimik kong buhay dahil sa isang taong kagaya niya.

At kung tama bang hayaan kong tuluyan nang sakupin ng virus na ito ang buong sistema ko.

Bahala na.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.