loading

storiescollectionschaptersauthorsgenrestagsstories
Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]

Rendezvous (Pagtatagpo) [BxB, SPG]

Danmax Orange · 15 chapters · 10,465 words

Note

Rendezvous

/ˈrɑndeɪˌvuz/

an arrangement to meet someone at a particular time and place

(Oxford Dictionary)


This story is inspired by When Marnie Was There (a Studio Ghibli animated film).

This could be a fan-fiction of that movie, dahil gagamit ako ng mga characteristics na super similar doon. The reason why I decided to write this is because sobra talaga akong namangha sa plot ng anime na yun at ninanais ko na gumawa ako ng sarili kong version. If I say “my own version”, of course, it means that it would be Boy x Boy. The usual.

Sana walang magalit sa mga nakakaalam sa movie at sabihing wala akong originality. Take note: fanfictions are a thing! May mga makikita ka pa ngang mga novels na based sa Harry Potter, One Direction, Dream SMP, and more, even though they are not a real fragment of the main storyline.

I won’t copy everything in the film, kukuha lang ako ng ga-parte ng concept. I will also write some additional details

.

I will also change some parts in connection to the original. I’m soooo in love with the plot of When Marnie Was There, at ilang days din akong hindi nakamove on, kaya sa mga hindi pa nakakapanood no’n ay siguradong mai-enjoy niyo ’to, tiwala lang.

Take note that this is totally a different story. Different plot. Inspired lang siya sa isang animated movie, so don’t compare them.

Ginawa kong 600 - 1,000 words per chapter kaya niyo siyang basahin ng mabilis. Madali nalang siyang basahin. Sinadya ko talaga na isulat ng maiksi bawat parte.


Warning: to make the story spicy, it contains some SPG rated scenes. Beware. If you’re a minor, it is your responsibility to avoid these things. Better quit early.

Mini Gallery

Rendezvous

Si Rafael Sarmiento ay isang binatang nagbakasyon sa Sitio Mabaya kasama ang kaniyang pamilya. Napadpad siya sa isang abandonadong mansion kung saan nakilala niya ang isang misteryosong lalaki na si Maxence. Tuwing dapithapon, nagtatagpo sila sa gitna ng dalampasigan gamit ang bangka.

Lihim nila ang isa’t isa.

Sa bawat gabi na sumasapit, nagliliwanag ang buong mansyon. Nababalot man si Pael ng kutob at pagdududa, nanatili siyang tikom tungkol dito, sapagkat ang pagkikita nila ni Maxence ang pinakamahalaga para sa kaniya.

Maraming lihim na sila lang ang nakakaalam.

I

HINDI na ako makatulog dahil sa pakaldag-kaldag na kilos ng aming sasakyan. Lubhang nakaka-istorbo ang mabatong kalsada dito sa Sitio Mabaya. Paulit-ulit na naaantala ang aking pag-idlip at sobra na akong naiinis.

“Susmaryosep naman! Ito na ba talaga yung pinakamaayos na daan dito? Hindi na ako makaupo ng maayos,” reklamo ni Mama.

Malungkot na ngumiti si Papa at patay malisyang tumawa.

“Wala talagang sementadong daan sa lugar na ’to. No choice tayo kasi ito lang yung kalsadang magdadala sa’tin doon sa pinakamabilis na paraan,” ani Papa na bakas ang pagka-irita sa kaniyang tinig habang mahigpit ang hawak niya sa manibela.

Sinandal ko ang aking noo sa bintana at tinanaw ang matingkad na palayan. Animo’y nagniningning ang bawat dahon at bawat butil ng palay sa sinag ng tanghaling araw.

Binubulag ako nito sa tindi ng liwanag, ngunit hindi ito ang magpapapigil sa’kin na pagmasdan ang paligid na madalas ninanais ng aking kuryosidad.

Kasing-kulay at kasing-tingkad ng damo’t bulaklak sa gilid ng kalsada, katulad ng mga naging salaysay sa akin ni Papa tungkol sa kaniyang kinalakhang bayan. Samu’t saring mga karanasan tungkol sa pamilya at mga kaibigan. Karamihan sa mga bagay na iyon ay hindi ko naranasan sa aking paglaki sa syudad, dahil kailanman ay hindi ako nagkaroon ng kaibigan maliban kina Mama’t Papa.

“Kaunting tiis nalang. Malapit na,” pang-aalo ni Papa.

“Okay ka pa ba diyan, Pael?” tanong ni Mama sa’kin ng hindi lumilingon. Nasa front siya, katabi ni Papa. Habang ako naman ay nasa likod.

“Opo,” tipid kong sagot.

Hinalukay ko ang aking bag upang hanapin ang cellphone ko. Nilabas ko ito at binuksan ko ang bintana upang kuhanan ng litrato ang labas. Malakas na hangin ang humampas sa aking mukha na may kasama pang dahon.

Kumuha lang ako ng mangilan-ngilang mga litrato at agad ko na ring sinara ang bintana upang di na ulit makapasok ang hagupit ng hangin.

Hindi nagtagal ay may mga nadaanan na rin kaming mga kabahayan. Karamihan sa mga ito ay gawa sa kahoy. Madalang lang ang mga yari sa bato. Punong-puno din ng mga halaman ang kanilang mga bakuran.

Hindi na rin baku-bako ang kalsada na aming dinadaanan, kaya maayos na ang takbo ng aming sasakyan.

Sinandal kong muli ang aking ulo sa bintana at mariing pumikit.

N

A

PAPALIBUTAN

ako ng makapal na hamog, at ang mga paa ko ay nakayapak sa maputik na lupa ng walang kahit na anong sapin sa paa. Yumayakap sa akin ang matinding lamig na nagpapanginig sa aking buong katawan.

Hindi ko matiyak kung nasaan ba talaga ako ngayon, ngunit sa isipan ko ay may bagay na ninanais akong makita sa lugar na ’to.

Isang kaibigan? Minamahal? Hindi ko talaga matiyak.

Gustung-gusto ko siyang tawagin, ngunit hindi ko alam ang pangalan ng taong iyon na nais kong makita. Sa isip ko’y isa siyang mahalagang tao sa buhay ko. Sa puso ko’y isa siya sa pinakamamahal ko.

Binuka ko ang aking bibig, ngunit ni isang tinig ay walang lumabas. Ano ba kasi ang pangalan niya? Bakit hindi ko alam? Bakit hindi ko mailarawan ang mukha niya?

Nakalimutan ko na ba?

Totoo bang importante siya sa’kin? Bakit kailangan ko pa siyang hanapin sa lugar na minsa’y hindi sa’kin naging pamilyar.

Bigla nalang bumuhos ang aking mga luha. Hindi ko mapigilan sapagkat nauubusan na ako ng pag-asa.

Ilang sandali ng aking pagtangis, nakaramdam ako ng yakap liban sa lamig. Yakap ng isang pares ng bisig. Mga kamay na humahagod sa aking likod, at nadarama ng aking kaluluwa.

Iyon ang nagpatahan sa’kin.

“Wala pang dapithapon, Pael. Hindi pa tayo dapat magkita,” aniya.

“Pero ngayon ka na aalis, ’di ba? Wala nang panahon para hintayin pa ang dapithapon” sabi ko.

Hindi ko alam kung saan ko napulot ang mga katagang iyon. Hindi ko alam kung tungkol saan ba ang nakikita kong eksena sa panaginip na ito.

Sino ba siya? Ano bang mayroon at bakit aalis siya? At higit sa lahat, bakit naman ako umiiyak sa paglisan niya?

“Hindi ka pwedeng umalis,” sabi ko. Putol-putol ang aking tinig. Binaon ko ang aking mga mata sa kaniyang

dibdib at doon ay nagpatuloy pa sa pag-iyak.

Kinalas niya ang kaniyang yakap upang titigan ako sa mukha.

“Babalik ako,” bulong niya at hinalikan ang aking pisngi.

“Hindi ako sigurado kung kailan, pero babalikan kita. Mahal na mahal kita Pael.”

Malabo na ang aking paningin dahil sa mga luha na aking natamo, kaya pinunasan ko ito upang makita siya ng mas malinaw at––

“Pael!”

II

“PAEL, gumising ka na!”

Sunod-sunod akong niyugyog ni Mama upang pakawalan ako mula sa aking mahimbing na pagkakatulog. Napabukas bigla ang aking mga mata sa gulat.

“Binabangungot ka ba?” tanong ni Mama na nagpataas sa balahibo ko.

Muling nanumbalik sa’kin yung mga ala-ala ng aking panaginip. Wari bang isa siyang malupit na ala-ala. Hindi ako sigurado kung bangungot ba na maituturing ’yon, ngunit may parte sa aking puso na nais kong malaman ang kasunod ng mga pangyayari.

“Hindi naman, Ma. Bakit, anong meron?” sagot ko at tipid akong umiiling.

“Umiiyak ka kasi,” aniya.

Bigla tuloy akong napahawak sa aking pisngi at nakapa kong basa ito. Napaayos ako ng pagkakaupo at mabilis kong pinunasan ang aking mukha gamit ang panyo na kinuha ko galing sa aking bulsa.

“Bumaba ka na. ’Andito na tayo sa pupuntahan natin,” ani Mama at hinintay ako na umalis sa loob ng sasakyan.

Pagbaba ko ay natanaw ko ang isang bahay sa tapat ko. Lumang-luma ito at nakakatakot. Parang nakatindig na ito nung panahon ng Hapon.

Dala ang ilan sa aming gamit, nauna nang tumungo si Mama sa loob ng nakakakilabot na bahay.

“Eto na ba talaga ’yon?” tanong ko sa aking sarili.

Inayos ko ang aking backpack na nakasukbit sa akin. Pinagmasdan kong maigi ang paligid. Mukhang may bago nanaman akong subject na maaari kong iguhit mamaya sa sketchbook.

“Bilisan mo, Pael. Gusto ka nang makilala ng mga Tito’t Tita mo!” sigaw ni Mama mula sa loob ng bahay.

Anak ng teteng! Mas lalo tuloy akong kinabahan. Sa huli, wala naman akong iba pang magiging pasya kun’di tumuloy sa tahanan dala ang takot na makakita ng multo, kasabay ang takot na makipag-usap sa mga kamag-anak ko na hindi ko pa man din nakikilala sa personal.

“Papunta na!” sigaw ko at dinala ang mga gamit na kaya kong bitbitin.

Sobrang nakakapagod ang byahe. Lantang gulay ang bawat bahagi ng aking katawan. Mabigat, at parang binubuhat ko pa ang aking sarili liban sa mga bagaheng kailangan ko pang bitbitin.

Pagdating ko sala, napatingin sa’kin ang isang Ginoo at Ginang na may kargang sanggol. Nasa tabi din nila ang isa pa nilang anak na lalaki. Tansya ko ay ka-edad ko lang ito. Nakabusangot ito habang nakatingin sa sahig, at kinukuyakoy ang nakakrus na mga binti.

“Magmano ka, dali!” utos sa’kin ni Mama habang tinutulak ang aking likod patungo sa kanila.

Binaba ko muna ang lahat ng dala ko at lumapit ako sa mag-asawa upang sundin ang ipinag-uutos ni Mama.

“Kuhanin ko kang yung iba pang gamit sa labas,” ani Papa at umalis.

“Ako ’to, si Tita Margie mo. Tapos ito naman si Tito Robert mo, asawa ko. Ito naman si Russel, pinsan mo. Isang taon na mas bata sa’yo ’yan,” pakilala niya sa sarili ang sa pamilya niya.

Napadungaw ako sa sanggol na payapang natutulog sa bisig ni Tita Margie. Pinagmasdan ko ang maamo nitong mukha, habang kumikislot-kislot ang mata na para bang nananaginip.

“Sino naman po siya?” hindi ko maiwasang itanong sa kaniya.

“Ah, siya naman si Rhea. Bunso ko. Kapapanganak ko lang sa kaniya nung nakaraan taon,” aniya.

Bihira lang ako makakita ng sanggol, sapagkat wala naman akong kapatid na kasunod sa akin. Kaya ganun nalang ang pagkamangha nang makakita ako ng isa.

“Ang laki mo na ngayon, Rafael! Naalala ko tuloy noong tatlong taon ka pa lang, bumisita kami sa inyo,” kwento ng Ginang sa akin.

“Oo nga pala. Pasko pa nung araw na ’yun, e. Naalala mo ba, anak?” tanong sa’kin ni Mama.

Nahihibang na ba si Mama? Kakasabi lang ni Tita na three years old palang ako nu’n. Mukha bang maaalala ko pa ’yon?

Tipid lang akong umiling.

“Tanda ko pa, lagi ka pang natatae sa shorts mo nu’n. Ako pa yung naglilinis sa’yo,” natutuwang saad ni Tita Margie.

Ang tahimik na si Russel ay napabuga ng tawa na agad niya ring pinigilan.

Tumango na lang ako at tinanggap nalang ang kaniyang sinabi kahit lubos ang aking naging kahihiyan dahil doon.

“O siya, sige. Bago kayo magmiryenda, ipapakilala ko lang ’tong si Pael sa lolo niya. Naku! Kanina pa ’yun naiinip kakahintay,” ani Tita Margie at pinasa ang kaniyang sanggol na anak sa kaniyang asawa.

III

HILA-HILA ako ni Tita Margie paakyat sa ikalawang palapag. Kahit luma na ang bahay ay malinis pa rin ang paligid nito. Wala kang makikitang alikabok at sapot sa mga dingding at kisame.

Dama ko tuloy yung ambiance ng makalumang panahon.

“Alam mo, sabik na sabik na yung Lolo mo na makita ka. Kanina pa siya nagtatanong sa’kin kung nakarating na ba kayo. Buti nalang at nakaabot na kayo agad,” aniya.

Pinapasok niya ako sa isang silid na matatagpuan sa pinakadulo ng hallway. Nadatnan ko ang isang matanda na nakahiga sa kama, matamlay dahil sa tingin ko ay may masamang karamdaman.

May hawak itong papel at tinitiklop-tiklop niya ito upang makagawa ng origami. Ibinaling niya ang kaniyang mukha sa amin at nagliwanag ang kaniyang mukha noong nagkasalubong ang aming mga mata.

“’Tay, ito na si Pael. Yung anak ni Dennis,” pakilala sa’kin ni Tita Margie sa kaniya.

“Halika dito, apo,” aniya habang nakangiti. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at nagmano. “Mabuti at nakadalaw ka bago ako mamatay.”

Nanlaki ang mga mata ni Tita Margie.

“’Tay naman! Ganiyan ba yung tamang bungad sa apo mo? Huwag ka ngang magsalita ng ganiyan,” pagsuway nito kay Lolo.

“Totoo naman, anak. Malapit na akong mawala sa mundo, pero tingnan mo nga naman!” aniya at pinatong ang kaniyang kamay sa aking ulom “Makikita ko pa rin pala yung isa ko pang apo!” natutuwa niyang salaysay at humalakhak, habang pinipisil-pisil ang aking buhok.

Matipid akong ngumiti, ngunit gayumpaman ay lubos akong masaya dahil nalaman ko kung gaano siya kabait sa unang pagkakataon na nagkaroon kami ng interaksyon.

“Maiwan ko muna kayo. Papasunurin ko nalang dito sina Dennis at yung asawa niya. Aayusin lang daw nila yung mga gamit nila sa sasakyan.”

Tumango si Lolo, pero nakatuon lang ang kaniyang paningin sa akin.

“Mabuti naman. Matagal ko na ring hindi nakikita ang anak ko na ’yon. Nais ko siyang kamustahin,” aniya.

Umalis na si Tita at iniwan kaming dalawa ni Lolo sa silid.

Nagpatuloy pa ang aming pag-uusap. Nung una, medyo naiilang ako sapagkat hindi ko pa siya lubusang kilala. Pero unti-unti kong nadama na magaan siya kausap kaya napakuwento ako sa kaniya.

Tinatanong niya ako sa mga bagay na tungkol sa aking buhay, na sa tingin ko ay parang hindi naman interesanteng pakinggan ngunit nakikinig pa rin siya.

“Mahilig ka palang gumuhit,” ani Lolo at saka tiniklop niya ulit ang papel.

“Minsan lang naman po. Madalas po kasi, nawawalan ako ng gana.”

“Bakit naman? Hindi ka ba nasisiyahan sa mga ginuguhit mo?”

“Hindi naman po sa ganu’n,” sabi ko habang pinagmamasdan ko pa rin ang kaniyang pagbuo ng origami. “Pakiramdam ko po kasi, may mga bagay na mas maganda pang iguhit kaysa sa mga napipili kong konsepto.”

“’Yun lang ba ang dahilan mo, apo?” tanong niya sa’kin. Apo. Ito ang araw na unang akong natawag ng ganito.

“Ano pa nga bang iba na maaari kong maging dahilan?” tanong ko sa kaniya at pati na rin sa aking sarili. Ano nga ba? Sa galing kong gumuhit ay kailanma’y hindi nagkakalayo ang aking pinaggagayahan sa nagiging drawing ko.

“Alam mo, hindi lang pala ang pangalan ko ang nakuha mo sa’kin. Pati rin pala ang talento ko, namana mo,” aniya.

Medyo naguluhan ako sa sinabi niya.

“Ano po ’yon?” tanong ko bilang panghihingi ng kalinawagan.

“Rafael din ang pangalan ko, Pael. Apeng naman ang palayaw sa’kin. Nung kabataan ko, mahilig akong magpinta,” saad niya.

Nasurpresa ako sa sinabi niya.

“Sa tingin ko, ang sagot sa problema mo tungkol sa pagpili ng konsepto ay alamin mo kung bakit mo ginuguhit ang isang bagay,” aniya.

Nanatili lang akong tahimik upang mapakinggan ang lahat ng kaniyang ipapabatid sa akin.

“Ano nga ba, Pael? Bakit ka gumuguhit?”

Nanindig ang aking balahibo sa reyalisasyon. Madalas, hindi ko inaalam ang dahilan. Iniisip ko lang na maaari kong pagkakitaan ang aking talento kapag nahasa pa ako. Ngunit, hanggang doon lang.

Hindi ako nakasagot. Siya na ang nagsalita.

“Gumuguhit ako dahil nais kong magbaliktanaw sa mga bagay na minsan ko nang nakita sa buhay ko. Lalo na yung mga eksenang ayaw kong makalimutan. Nais ko silang dalhin sa papel, dahil madalas, bigla nalang silang nawawala sa buhay ko. At ang tanging ebidensya na madadala ko lamang ay ang mga alaala sa utak ko, kasama ang mga ginuhit kong larawan.”

Napatulala ako. Napakalalim ng mensaheng ipinarating niya sa akin. Natatandaan kong sinabi sa’kin ni Papa na nagsisimula nang magkaroon si Lolo Apeng ng Alzheimer’s disease.

Napaisip ako. Kung unti-unti na niyang nakakalimutan ang mga alaala sa kaniyang utak, tanging ang mga ginuhit niya na lang pala ang magpapaalala sa kaniya ng kaniyang nakaraan.

Nakakalungkot isipin. Naaawa ako sa kalagayan niya.

IV

“ANO na nga ba yung kasunod nito?” tanong ni Lolo Apeng sa kaniyang sarili habang kinakamot ng kaniyang daliri ang kaniyang sentido.

Pati ang ginagawa niyang origami ay hindi na niya matandaan kung ano ang sunod na dapat itiklop.

Sinuri ko ang kaniyang papel at napagtanto ko agad kung ano ang bagay na nais niyang gawin dito.

“Ako na po magtutuloy,” pagpepresenta ko.

“Sige,” pagsang-ayon niya at binigay sa akin ang papel.

Pinagpatuloy ko ang pagtupi hanggang sa matapos kong gawin ang bankang papel. Pinakita ko sa kaniya ito.

“Ang galing!… Nagawa mo!” masaya niyang saad na parang batang namamangha. Binigay ko ito sa kaniya.

Pinagmasdan niyang maigi ang bangkang papel na parang isang mamahaling obra.

“Salamat, apo. Mapurol na kasi utak ko. Hindi ko na matandaan,” tipid niyang sabi at tsaka nilapag sa side desk ang origami.

Narinig ko ang pagbukas ng pinto at napalingon ako kina Tita Margie kasama sina Mama’t Papa. Lumabas muna ako sapagkat mag-uusap-usap daw sila tungkol sa mga bagay na mga matatanda lang ang nakakaintindi.

Naghintay ako sa labas ng silid.

SA KABILANG dulo ng hallway ay may balkonahe. Nagwawala ang mga kurtina dahil sa matinding pagbuga ng hangin mula sa labas. Sa kuryosidad ay lumapit ako upang makita ang tanawin mula sa itaas.

Nakakasilaw ang sinag ng araw, ngunit naaninag ko pa rin ang sangkabahayan na payapa sa tanghaling tapat. Ibang-iba ito sa syudad kung saan kahit madaling araw ay humuhuni na ang mga behikulo sa labas ng bahay namin na sinasamahan pa ng ingay ng mga tsismosang kapitbahay.

Nilagay ko sa railings ang aking mga kamay. Nagulat ako nung may paru-parong lumapit sa akin at dumapo sa aking balikat.

Nanlaki ang aking mga mata habang tinititigan at sinusuri ang pakpak nitong kulay bughaw. Dahan-dahan itong lumalapit sa aking tainga na para bang may nais itong ibulong sa’kin.

Pero isa lang itong paru-paro. Paano naman siya makakapagsalita?

Buong buhay kong inaakala na ang lahat ng insektong nabubuhay sa mundo ay ilap sa mga tao, dahil nasa instinct na nila na isa tayong uri ng panganib.

Nais kong hawakan ang kaniyang pakpak, kaya itinaas ko ang aking kamay at dahan-dahang nilalapit patungo sa munting nilalang. Ngunit bago ko pa ito masalat ay agad din itong lumipad palayo. Sa bilis ng kaniyang pagaspas, isang kurap lang ay hindi ko na nasundan ang kaniyang tinatahak.

SUMAPIT na ang gabi at tinapos na namin ang hapunan ng sabay-sabay, liban kay Lolo Apeng na kailangang manatili lamang sa kaniyang silid. Mahina na raw ang mga binti niya upang makalakad kaya mas mabuting hindi na muna namin siya makakasama sa hapag.

Iisang silid lang ang bakante sa buong bahay na maaaring tulugan. Doon daw magshe-share sina Mama at Papa. Samantalang pinatuloy ako ni Russel sa kaniyang silid upang doon matulog.

Marami siyang koleksyon ng manga, at punong-puno ito sa kaniyang shelf.

“Mahilig ka bang magbasa ng manga? E, anime?” tanong niya sa’kin habang pinapakita niya ang comic book na hawak niya.

Akala ko, ’di na niya ako kakausapin.

“Both. Pero hindi ako nagbabasa ng manga in hard copies. Mas prefer ko magbasa sa cellphone.”

“Seryoso? Sa syudad ka pa naman nakatira. Marami kang mabibili do’n!” aniya at tumabi sa akin. “Alam mo ba, nung nakaraang pasko, lumibot kami sa Maynila. Doon ko lang nakita yung isang set nito.”

Pinakita niya sa’kin ang kaniyang Kimetsu no Yaiba manga books. Sa pagkasabik ay agad ko itong kinuha mula sa kaniya. Grabe, matagal ko nang gustong makabili nito.

Ang totoo niyan, natatakot akong gumastos ng pera para sa mga bagay na hindi naman masyadong kailangan. Magiging koleksyon ko lang ito, at wala nang iba, dahil nabasa ko naman na ito sa mga websites.

“Alam mo ’yan?”

“Of course! Sikat na sikat kaya ’to,” sabi ko at binuklat ko ang mga pahina. Amoy bago pa rin kahit matagal na ito sa kaniya. “Ang swerte mo naman, meron ka mga kopya nito. Anlaki siguro ng ginastos mo. At saka, matagal ko na kasi itong nabasa sa mga sites, kaso wala akong budget para makabili ng manga.”

“Hindi naman importante kung may manga ko o hindi,” aniya.

“Pero iba pa rin kapag meron ka niyan. Ang astig kaya. Sa sobrang ganda ng kwento, madalas kong ginagawan ’yan ng fan arts.”

Nanlaki ang mga mata niya.

“Marunong kang mag-drawing?” gulat niyang tanong.

“Uhm… Oo,” sabi ko. Hindi ko madalas sinasabi ang tungkol dito. Malalaman nalang ng ibang tao kapag nagpost na ako ng mga artworks sa social media.

“Kung gano’n, e ’di ikaw pa pala yung mas maswerte sa’tin kasi may talent ka pala sa pagdo-drawing, tas ako wala. Pwede ka pa ngang gumawa ng sarili mong manga, eh!”

“Tama. Pwede rin,” tipid kong sagot habang nakangiti. Maganda nga ang suhestyon niya.

V

NASA TAPAT ako ng isang mansyon. Tahimik at binabalot ng hamog ang paligid. Lumapit ako sa bintana upang silipin kung anuman ang nasa loob.

Ang lahat ng kagamitan ay nakabalot sa puting tela. Senyales na wala nang nakatira sa bahay na ito.

“Binata, umalis ka na rito. Wala na dito yung amo mo. Lumipat na sila sa ibang bansa.”

Napalingon ako sa hardinerong nagsalita. May hawak siyang itak at lubha siyang kasindak-sindak. Sa panaginip kong ito, kakilala ko siya. Kaya kahit ano pang takot ang meron ako, hindi ako nagpatinag na umalis, sapagkat may tiwala ako na hindi ako papatayin ng lalaking ito.

“Bawal kang pumasok sa bakuran nila ng walang pahintulot. Umuwi ka na. Bumalik na yung amo mo sa–”

“Hindi ko siya amo!” sigaw ko at tumakbo paalis ng mansyon.

Tuloy-tuloy ang pag-agos ng aking mga luha. Para bang gusto kong saksakin ang aking dibdib upang hindi ko na maramdaman ang unti-unting pagdurog nito.

“GISING, Pael! Gising!”

Napadilat ako ng mabilis, habang nakakapit si Russel sa aking braso na patuloy pa rin niyang niyuyugyog.

“Diyos mio! Ano bang nangyayari sa’yo? Nanaginip ka yata ng masama,” aniya. “Kanina ka pa iyak ng iyak. Tignan mo yung mukha mo. Uhog nalang ang kulang.”

Napabangon ako at napakuyom ang mga kamay sa bedsheets. Kinapa ko ang aking mukha at tama nga si Russel. Kagagaling ko lang sa iyak.

“Dali na! Bumangon ka na. Kailangan nating maghanda ng maaga.”

“Para saan?”

“Basta!” aniya habang nagpapalit ng t-shirt sa harap ko. Napaiwas ako ng tingin. Hinawakan niya ang braso ko at hinila ako paangat. “For sure, nakahanda na ang umagahan sa mesa. Maghanda ka na rin ng susuotin mo mamaya.”

Napabuga nalang ako ng hangin. Inaantok pa ako, sa totoo lang.

ALAS OTSO palang ng umaga, nakagayak na kami patungo sa plaza. Nagtipon-tipon doon ang mga tao, at siyempre, kasama na ako at ang buong pamilya ko. Sinama na nila si Lolo Apeng na naka-wheelchair. Si Papa ang tagatulak niya.

“Mamayang alas nuwebe, may parada. Tapos, may tanghalan naman daw mamayang gabi. Puro artista daw ang darating,” ani Russel habang kumakain ng sitsirya at may hawak pa siyang softdrinks sa kabila.

“Talaga. Sinu-sino?”

“Ewan ko. ’Di ko naitanong,” aniya at sumubo ng sitsirya. “Wala naman akong interes sa mga ganu’n, e. Hindi naman ako madalas manood ng T.V.” dugtong niya habang ngumunguya.

“Talaga? Wala ka bang kilalang kahit isang artista?” nasurpresa kong tanong sa kaniya.

“Hmm. Meh!”

Sa wakas! Nakatagpo din ako ng isang pre-historic na tao. Napag-abutan na siya ng mahabang panahon. Baka nga kahapon niya lamang nalaman na nag-eexist yung T.V.

“Pael, yung balikat mo!” aniya.

“Bakit?” tanong ko at napalingon doon.

May bughaw na paru-paro ang nakadapo rito. Kamukhang-kamukha nito yung nakita ko kanina. O baka ito rin ’yun.

“Hulihin mo,” utos niya.

“Huwag! Bakit naman?” sabi ko. Nag-aalala ako na baka mapisa at mapatay ko lang ito kapag hinawakan ko.

“Wala lang,” aniya at nagkibit-balikat. Natawa ako sa walang kwenta niyang dahilan.

Napansin ko ang pag-angat ng kamay ni Russel patungo sa paru-paro, ngunit bago ko pa siya mapigilan ay agad nang nakalipad ang insekto mula sa aking balikat.

“Kita mo na!” sabi ko at sinundan ko ng aking mata ang munting nilalang. “Sandali, susundan ko lang siya.”

“’Wag na! Paru-paro lang ’yan, ano ka ba? Malapit na yung parada!”

Hindi ko siya pinakinggan at tumakbo ako upang maabutan ang paglipad ng paru-paro. Narinig ko ang pagtawag sa’kin ni Russel, ngunit sumuong na ako sa lipumpon ng tao. Ilang beses akong nakabangga ng mga taong naglalakad sa iba’t ibang direksyon.

Malakas ang kutob ko na may gustong ipahiwatig sa’kin ang paru-parong ’yon.

Lumabas ako ng plaza, dumaan sa mga kabahayan at kabukiran. Mababa lang ang lipad nito kaya madali ko lang siyang sundan.

Sa ilang minutong pagtakbo ay narating namin ang dalampasigan. Payapa ang dagat. Mahina ang mga humahampas na alon.

Nanatili ang aking mga mata sa tanawin, hanggang sa nakaligtaan ko ang sinusundan kong paru-paro.

“Hala! Nasa’n na ’yun?” tanong ko sa aking sarili habang pinapaikot-ikot ang aking paningin. Napakamot nalang ako sa aking ulo nung hindi ko ito makita.

Sa kabilang dako, may natanaw akong isang malaking bahay. Kailangan pang tawirin ang tubig gamit ang bangka upang mapuntahan ito. Tinitigan ko ito ng maigi at napansing sobrang pamilyar nito sa’kin.

Ito yung… mansyon sa panaginip ko!

VI

HINDI ako nagkakamali. Tandang-tanda ko pa rin ang hitsura nito. Hindi maitatanggi ng aking isipan ang pagkakapareho nito doon sa napaginipan ko. Kahit pa malayo ito sa aking paningin ay parang nakita ko na ito ng malapitan sa sobrang pamilyar nito.

Hindi ko lubos akalain na totoo ito sa tunay na buhay, ang lugar na akala ko’y gawa-gawa lang ng isipan ko. Ngunit bukod sa pagkamangha ay nagsitaasan ang mga balahibo ko sa katawan sa hindi malamang dahilan.

Ang pagsipol ng hangin ay waring mga bulong na tumatawag sa’kin. May bahagi sa aking puso na tumutulak sa’kin na lapitan ang mansyon.

At ang aking pag-aalinlangan ay natapos din at nabuo ang aking desisyon.

Lumapit ako sa pampang kung saan may nahanap akong bangka. Nakatali ito sa nakatusok na kahoy. Luminga-linga ako sa paligid upang suriin kung may makakakita sa binabalak ko, ngunit wala akong nakitang tao sa lugar na ’to.

Dahan-dahan kong kinalas ang tali at sumakay sa bangka. Umuuga ito kahit sa mga simple kong paggalaw.

Hinanda ko na ang aking sarili at kinuha ang sagwan na nasa loob din ng bangka. Sinimulan ko nang itulak ang aking sarili patungo sa mansyon.

Payapa lang ang tubig kaya madali lang ang pagsagwan. Ngunit, dahil hindi ako sanay na mamangka, napapasigaw ako sa hagupin ng mga mumunting alon.

“Lintek!” sigaw ko nung muntik na akong mawalan ng balanse at masubsob sa baba. Mabuti nalang at nakontrol ko din agad.

Hindi rin nagtagal ay natunton ko na rin ang lugar. May munting bakal na gate sa harap at hagdan na magdadala sa’yo paakyat sa mansyon. Medyo nahirapan pa ako sa pagbaba ngunit nagawa ko rin, pagkatapos, tinali ko ang bangka sa gilid kung saan mayroong munting poste.

Huminga ako ng maluwag matapos ang nakaka-stress kong pamamangka, makapunta lang dito. Hindi na rin masama, sapagkat iyon palang ang pinakaunang beses na ginawa ko ’yon.

Bukas lang ang gate kaya nakapasok ako agad. Sa pag-akyat ko sa hagdan upang matunton ang mansyon, dahan-dahan akong humahakbang. Nag-aalala ako kung may tao pa bang nakatira dito. Kasi kung oo, maakusahan pa ako ng trespassing.

Bumungad sa’kin ang mansyon, kung saan napatunayan na tama nga ang hinala ko. Hindi ko alam kung bakit ito dumaan sa panaginip ko.

Mala-European ang estilo nito at punong-puno ng mga halaman sa paligid.

“Tao po! May nakatira po ba dito?!” pagtawag ko ngunit wala akong nakuhang response.

Lumapit ako sa bintana upang sumilip sa loob. Medyo maalikabok pa ’to kaya pinunasan ko muna ito gamit ang aking kamay. Isa nanamang pamilyar na eksena ang bumungad sa’kin, sapagkat tulad ng nasa panaginip ko, nakatalukbong din ng puting tela ang lahat ng kagamitan sa loob.

Mukhang inabandona na talaga ang mansyon na ’to.

Luminga-linga ako sa paligid at baka meron ding hardinero na nag-aalaga dito. Buhay na buhay kasi ang mga halaman sa bakuran.

“Tao po!” tawag ko sa pangalawang pagkakataon, ngunit katulad din ng kanina, wala ring tumugon.

Naglibot-libot ako sa mga halamanan. May mga iba’t ibang uri ng bulaklak na hindi ko alam ang mga pangalan. Pinagmasdan ko sila at akmang pipitasin upang gawin ko sanang souvenir pag-uwi ko, ngunit pinigilan ko nung may dumapo dito.

Ito nanaman yung paru-parong hinahabol ko kanina pa. Nakapagtataka, paano kaya niya ako nasundan sa lugar na ’to? Dito ba talaga ako nais ihatid ng paru-parong ito?

“Ang ganda dito,” sabi ko sa paru-paro na nananatili pa rin sa bulaklak.

Ewan ko kung bakit nadarama ko na may koneksyon kaming dalawa kaya kinakausap ko siya, kahit na alam kong wala siyang ka-ide-ideya sa mga sinasabi ko dahil isa lang siyang hamak na insekto.

“Dito ka ba nakatira?” tanong ko pa sa paru-paro. Tanga ba ako para kausapin pa ’to?

Bigla nalang siyang lumipad palayo pagkatapos kong sabihin ’yon. At sa bilis ng kaniyang pag-alis ay hindi ko nanaman siya ulit nasundan ng tingin.

VII

NAGPALIPAS ako doon ng mga dalawang oras bago ko napagpasyahang lisanin na ang lugar upang bumalik na sa parada. Mabuti nalang at nakabisado ko na ang daan at mabilis akong nakabalik.

Nag-alala sa’kin sina Mama’t Papa at nagalit sa’kin. Nagsinungaling ako. Sinabi ko na naglibot-libot lang ako sa plaza ng mag-isa. Alam ni Russel na hindi ako nagsasabi ng totoo ngunit nakisakay nalang siya sa ginawa ko, kaysa matalakan pa ako doon habang pinapalibutan kami ng maraming tao.

Tandang-tanda ko paano nainis sa’kin si Russel dahil sa paghihinayang na hindi ko naabutan ang parada.

“Ayan kasi! Hindi mo na tuloy naabutan yung parada. Ang saya pa naman. Saan ka ba kasi nagpunta?” tanong niya.

“Mamaya… Iki-kwento ko sa’yo lahat, pag-uwi natin,” tugon ko ngunit nanatili pa rin siyang nakabusangot.

Nawala din ang kaniyang pagmamaktol pagkatapos naming maglibot ng ilang minuto.

Alas tres na ng hapon kami nakauwi at pagod na pagod na ang aming mga katawan. Nag-enjoy naman kaming lahat. Nananghalian kami sa natagpuan naming karenderya. Marami kaming naipamili sa mga bangketa sa gilid ng kalsada. Nag-uwi din kami ng mga sitsirya’t biskwit upang i-miryenda sa bahay.

“Pael, ikaw na muna yung magtulak sa wheelchair ng lolo mo,” utos sa’kin ni Mama. Marahil napagod na si Tita Margie sa kakatulak kay Lolo Apeng sa aming paglilibot.

“Sige po,” walang gana kong pagsunod. Ako din naman, e, pagod at lantang gulay na. Tsk.

Binaba ko yung wheelchair mula sa sasakyan at inayos upang maupuan na ni Lolo. Inalalayan siya ni Papa sa pag-upo. Pagkatapos, tinulak ko siya papasok sa bahay.

“Nasiyahan ba kayo?” tanong sa’kin ni Lolo na nakangiti. Mukhang hindi pa rin siya naka-get over sa mga nasaksihan sa pagdiriwang. Sa tingin ko, bihira lang kasi siyang lumabas ng bahay dahil sa sakit niya.

“Opo. Sa tingin ko po, lahat naman po kami natuwa,” sagot ko. Tumango naman siya.

“Mabuti naman,” aniya at huminga ng malalim.

Halata sa kaniya ang hirap sa pananalita dahil sa kaniyang masikip na paghinga.

“O, ano? May naisip ka na bang pwede mong iguhit?” tanong niya pa sa’kin ulit.

Nung sandaling iyon ay naidala ko na siya sa loob. Kasalukuyan ko na siyang tinutulak patungo sa sala. Doon daw muna siya mananatili hanggang hapunan.

“Wala pa nga po, e. Pakiramdam ko… hindi pa po ’ko ganadong mag-drawing,” sabi ko naman.

“Hayaan mo. Marami ka pang oras para makakita ng inspirasyon sa paligid. Aba’y, marami kang mapupuntahan dito sa lugar na ’to!” aniya na may pagmamalaki.

“Sige po. Susubukan ko pa rin pong maghanap,” sabi ko at ngumiti habang kumakamot sa aking noo.

Binitiwan ko na ang wheelchair niya sa tabi ng sofa. Umupo naman ako sa sofa para tabihan siya.

“Pero kung may na-drawing na po ako, gusto ko ikaw po yung unang makakakita,” sabi ko sa kaniya.

Ngumiti siya kahit medyo kulang-kulang na ang kaniyang mga ngipin.

“Maganda ’yan! Gusto kong makita kung gaano ka kagaling sa pagguhit, apo,” aniya.

Sa totoo lang, imbes na naging proud ako sa sinabi niya, mas lalo akong kinabahan. Hindi ko alam kung papasa ba sa standard niya yung galing ko. Pero, bahala na. Ang mahalaga, manumbalik yung sigla ko sa pagguhit. Matagal na kasi akong nawawalan ng gana.

Mula sa pangalawang palapag, bumaba si Russel na nakabihis na ng pambahay. Agad siyang lumapit sa direksyon ko at hinila ang aking kamay.

“Hoy, halika! May kailangan ka pang isagot sa’kin,” sabi ni Russel at dinala niya ako palabas ng bahay.

“Aray ko! Bitiwan mo na nga ’ko! Ang sakit,” pag-alma ko, sapagkat ang hipit ng hawak niya sa pulso ko. Binitiwan niya rin naman ako kaagad dahil doon.

Bigla nalang namin iniwan si Lolo sa sala ng hindi nagpapaalam. Nagpunta kami sa gilid ng bakuran upang doon mag-usap.

“Saan ka ba talaga nagpunta? Alam kong lumabas ka kanina ng plaza. Tinakasan mo ’ko bigla,” aniya.

“Oo na, pasensya na,” sagot ko.

“Sabi ko na nga ba, e! Nagsinunga–” bigla kong tinakpan ang bibig niya.

“Shh! Huwag mo nang sabihin. Baka marinig pa nila,” sabi ko at saka tinanggal ko ang aking kamay.

“Saan ka nga ba kasi talaga nagpunta?” tanong niya ulit sa’kin at humalukipkip. “Alam mo, kaganda kanina ng parada. Andaming floats. Kaso bigla ka nalang umalis dahil sa paru-parong hinahabol mo,” aniya gamit ang mahinang boses.

“Gusto mo ba na idala kita do’n? Sa pinuntahan ko kanina?”

“Bakit? Anong meron du’n?”

“Basta!” sabi ko at ngumisi.

Tinaasan muna niya ako ng kilay sa pagsusupetsa, ngunit sa huli ay tumango na siya.

“Sige. Basta siguraduhin mong alam mo yung daan. Bago ka palang dito, eh. Baka maligaw pa tayo,” aniya.

“Ako’ng bahala!”

VIII

DALAWA ang bisikleta na pagmamay-ari ni Russel. Pinahiram niya sa’kin yung isa upang sabay kaming makapunta sa paroroonan ng mabilis.

Nagbihis lang ako ng simpleng t-shirt at shorts.

“Nay, alis lang po kami. Ililibot ko lang po itong si Pael,” pagpapaalam ni Russel sa kaniyang ina.

“Naku, mabuti ’yan!” sabi ni Tita Margie sa kaniyang anak. Bumaling siya sa’kin. “Sigurado, matutuwa ka kasi marami talaga ditong malilibutan na maganda.”

Lumapit sa’kin si Mama na galing sa kusina sapagkat abala siya sa pagluluto para sa magiging hapunan namin mamaya.

“Maiingat kayo doon. Kung may mangyayari sa inyong masama, lagot ka sa’kin,” banta sa’kin ni Mama pero tumawa lang ako. Bakit ako lang? Hindi niya ba pwedeng pagalitan din si Russel? Hay naku!

Ganiyan siya talaga kastrikto pagdating sa’kin. Pero sanay na ako.

Nagsimula na kaming umalis. Iisa lang ang daan patungong plaza kaya yun na muna ang aming tinahak, pagkatapos yung direksyon patungo sa dalampasigan.

Gusto ko pa sanang dalhin ang sketchbook ko (dahil gusto ko talagang iguhit yung mga nasaksihan ko sa mansyon), pero naisip ko din na mas gugustuhin ko pang mag-enjoy muna ako sa paglilibot kaysa magdrawing.

“Hoy, Pael! Papuntang dalampasigan ’to ah! Bakit naman tayo pupunta doon?” tanong niya habang nasa likod ko siya at sinusundan niya ang direksyong tinatahak ko.

“Basta! Dalian mo!”

“Hala, Hindi tayo handa! Wala akong dalang pangswimming o pamalit man lang ng damit.”

“Tungek. Hindi tayo maliligo doon,” sabi ko at tumawa ng malakas habang sinasalubong ko ang papalakas na hagupit ng hangin.

“Alam ko! Pero kasi, sayang yung pagkakataon,” sabi niya at tumawa bago tinulinan niya ang pagpadyak sa kaniyang bisekleta at inanuhan ako sa daan.

Binilisan ko rin ang pagpapaandar kaya nagkarerahan na kami patungo sa dalampasigan.

Natunton din namin ito, ilang minuto lang ang nakalipas. Sa tingin ko, alas singko na ng hapon at medyo madilim na ang paligid. Pagdating namin doon ay agad kaming bumaba mula sa aming mga bisikleta.

“Halika, tingnan mo ’yun!” aya ko, at hinila ko siya patungo sa direksyon kung saan nakatirik ang mansyon.

“Oh, anong meron diyan?”

“Diyan ako pumunta kanina,” sabi ko.

“Seryoso ka ba?”

Tumango ako at binitiwan ko na ang pagkakahila ko sa kaniya. Tinignan niya ako na may pagdududa.

“Hindi ako naniniwala,” aniya at iniwas ang tingin sa mansyon. “Haunted house daw ’yan. Marami na raw ang nakakita ng multo diyan. Kaya yung mga hardinero at caretaker, hindi na kinaya. Nilayasan na rin nila yung bahay na ’yan.”

“Naku! Hindi ka naniniwala na nakapunta na ’ko do’n, pero sa multo, naniniwala ka? Guni-guni lang nila ’yon,” sabi ko.

Tumanaw ako muli sa mansyon upang aninagan ito mula sa tanglaw ng palubog na araw. Medyo dumidilim na rin kaya nag-aagawan na ang mga kulay sa kalangitan.

Nagulat ako nang bigla kong nakita ang pagsindi ng ilaw sa isang bintana sa mansyon.

“Totoo ba ’tong nakikita ko?” sabik kong sabi.

“Bakit?” tanong ni Russel.

“Nakita mo ba ’yun?! May umilaw sa bintana ng mansyon!” sabi ko kaniya nang hindi pa rin inaalis ang aking paningin sa mansyon.

“Saan?”

“Ayun, oh! Sa ikalawang palapag,” turo ko.

“Wala naman,” aniya at napakamot sa kaniyang noo.

Napabuntong hininga ako.

“Bulag ka ba? Ang liwanag kaya nung ilaw,” hindi makapaniwalang sabi ko sa kaniya.

Humakbang ako palapit sa pampang upang lapitan ang bangka. Sumabay naman siya sa’kin.

“Ito yung sinakyan ko kanina para makapunta doon,” sabi ko sa kaniya at tinuro ang sasakyan.

Dahan-dahan akong humakbang papasok sa bangka. Gusto kong pumunta ulit doon sa mansyon.

“Hoy! Anong ginagawa mo? Bumaba ka diyan!”

“Sumama ka sa’kin, Russel. Ipapakita ko sa’yo na wala talagang multo do’n.”

“Nasisiraan ka na ba? Hindi natin alam kung anong meron do’n. Masama yung nararamdaman ko, Pael. Pakiramdam ko, hindi tayo dapat pumunta diyan.”

“Naku! Naduduwag ka lang, eh. Saglit lang naman, ano ka ba,” sabi ko sa kaniya.

“Kahit na!” aniya at humalukipkip. “Sure ka ba talaga na marunong kang mamangka papunta doon?”

“Oo naman! Nasubukan ko na kaya,” sagot ko.

Makikita pa rin ang pagdududa sa kaniyang mukha.

“Kung gusto mo, pupunta ako sa ’di kalayuan. Tapos kapag nakayanan ko, babalik ako para isama na kita sa bangka papunta doon sa mansyon.”

“Nasisiraan ka na nga talaga. Imposibleng alam mo ’yang pamamangka, kasi sa syudad ka lumaki.”

“Ikaw ba, alam mo?”

Umiling siya.

“Taga rito ka ba talaga? Imposibleng ’di mo alam. Nabuhay ka sa tabing dagat pero hindi alam kung pa’no ’to sakyan? Kawawa ka naman,” pang-aasar ko sa kaniya, tumawa ako ngunit nakabusangot siya.

“Bahala ka sa buhay mo,” asar niyang sabi.

“Watch and learn,” mayabang kong sabi at kinalas na ang tali mula sa kahoy. Dahan-dahan kong sinagwan ang aking sarili patungo sa gitna ng tubig. Medyo kinakabahan ako pero nagpatuloy lang ako.

Huminto ako at kumaway kay Russel na nasa pampang.

Ngunit kahit malayo siya sa’kin ay naaninag ko ang pag-aalala sa kaniyang mukha.

“Oh ’di ba!! Kita mo na!!” sigaw ko.

“Pael, yung mga alon!!” sigaw niya pabalik. Tumingin agad ako sa mga paparating na daluyong at bigla akong namutla sa takot. Nawala ang aking ngiti at nanginig ang aking kamay.

Lumakas ang hangin, kasabay ang paghampas ng alon. Napasigaw ako sa takot na bumuwal ang sinasakyan kong bangka.

“Tulong!” sigaw ko, pero mukhang walang magagawa si Russel para sagipin ako. “Russel!”

Gusto ko nang bumalik at pagsisihan na ginawa ko ito, pero huli na. Hindi ko kayang labanan ang mga alon. Hinayaan ko nalang na tangayin ang aking bangka, palayo ng palayo.

IX

NAPAKAPIT AKO ng mariin sa gilid ng bangka upang hindi ako mahulog sa nagdadabog na tubig. Hindi mapakali ang aking puso at ang tindi ng pagtambol nito sa aking dibdib.

Napakagat ako sa aking labi at ipinagdasal nalang na sana’y ligtas pa akong makakabalik. Bakit nangyayari ’to? Hindi ko inasahan na may ganitong magaganap dahil akala ko ay kalmado lang kung umalon ang dagat na ito. Gusto ko lang naman puntahan ang mansyon para makita at malaman kung bakit bigla nalang itong nagliwanag kahit batid kong wala na talagang naninirahan dito.

May kalayuan pa rin ang aking bangka patungo sa mansyon. At sa aking paglapit, nakita kong nagsimula nang sumindi isa-isa ang mga ilaw sa lahat ng bintana nito. Animo’y buhay na buhay sa gabing madilim.

Nanindig ang aking balahibo sa nasaksihan. Parang may kakaibang nangyayari sa mansyong ito na hindi ko malaman.

Patuloy pa rin ang pagsagupa ng malakas na agos. Tinatangay ako nito ng mabilis. Kinakabahan ako na baka anumang oras ay tumaob ang sinasakyan kong bangka. Gusto ko nang bumaba sa lupa.

Pumikit ako ng mariin upang magdasal ng taimtim. Pagkatapos ay dumilat ako pabalik upang suriin kung nakalapit na ba ako sa mansyon.

Doon ay may nakita akong isang tao na mabilis na humahakbang pababa ng hagdan at binuksan ang gate. Lumabas siya at pumunta sa daungan.

Kumakaway ito sa direksyon ko.

“Yung lubid! Ibato mo sa’kin!” sigaw ng lalaki. Naguguluhan pa ang aking isipan nung una, ngunit nabatid ko rin na mukhang balak niya akong sagipin kaya sinunod ko nalang siya.

Tinali ko muna ang lubid sa bangka bago ko hinagis ng malakas patungo sa kaniya. Agad naman niya itong sinalo at mabilis na tinali sa munting poste na nasa daungan.

Pagkatapos ay hinila niya ang lubid upang makalapit ako sa pinaroroonan niya. Kaso, bago pa ako makarating doon ng payapa at maayos ay biglang dumating ang malakas na alon na siyang tumulak sa’kin papunta sa kaniya.

“Talon!” utos ng lalaki sa’kin.

Nagdalawang-isip pa ako nung una sapagkat parang di ko kayang tumalon dahil sa sobrang likot ng bangka. Huminga muna ako ng malalim bago ko sinunod ang utos niya. Bumangga ng bangka sa daungan, samantalang sinalo naman niya ako gamit ang mga bisig at niyakap ako ng mahigpit upang suportahan ang aking pagtayo.

“Ligtas ka na,” aniya at kinalas ang pagkakayakap niya sa’kin.

Wari’y nahihimigan ko ang kaniyang boses mula sa kung saan. Pamilyar, ngunit hindi ko na matandaan kung saan ko ito napakinggan.

“Delikado pumalaot sa gabi, alam mo ba? Bigla-biglang bumubulusok yung alon ng sobrang lakas! Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak mo at sinubukan mong mangisda sa mga ganitong oras,” masungit niyang tanong sa’kin.

Napalunok ako. Siya ba yung may-ari ng mansyong ito?

“H-Hindi ako nangingisda,” giit ko sa kaniya.

Tumingala ako upang makita ang hitsura ng lalaki. Mayroon siyang dilaw na buhok na medyo may kahabaan. Nakasuot siya ng puting longsleeves at maluwang na slacks. Mukha siyang prinsipe na napapanood ko sa mga palabas.

Napakagwapo niyang tignan… Hindi… Parang hindi akma… Maganda. Ang ganda niya sa paningin.

Mukhang hindi naman niya pinakinggan ang aking sinabi, bagkus ay nakatingin lang siya ng mariin sa buwan.

“Salamat sa pagsagip sa’kin,” sabi ko sa kaniya.

Bigla siyang napatingin sa’kin. Sa kaunting liwanag ng buwan ay nasilayan ko ang kulay asul niyang mga mata.

Pilit siyang ngumiti na agad din nawala.

“Kung gano’n, ano ang sadya mo sa gitna ng dagat? Salubungin ang mga alon at magpakamatay?” tanong niya na may kaunting tinig na ma-otoridad.

Napakurap-kurap ako dahil naaartehan ako sa sinabi niya.

“Bakit ko namang gugustuhin magpatiwakal, ha? Matino pa yung pag-iisip ko,” paliwanag ko.

“Kung ganu’n, ano nga ang dahilan mo? Bigyan mo ako ng magandang rason para maawa sa’yo at tulungan kita sa kalagayan mo. Dahil kung hindi ay papaalisin kita kahit pa nagngangalit ang dagat,” aniya.

Napalunok ako ng laway. Wala akong maisip na magandang rason. Natatakot ako na kapag sinabi ko ang totoo na nagpunta lang ako dito para maglibot ay hindi siya makumbinsi. Pero wala akong maisip na palusot.

“Magagalit ka ba sa’kin kung sasabihin ko sa’yo?” kinakabahan kong tanong sa kaniya.

Nangunot ang kaniyang noo at pumaling ang kaniyang ulo. Mukhang naguguluhan siya.

“Bakit naman? Isa ka lang namang estranghero. Bakit kailangan mo pang magpaligoy-ligoy sa pagsagot? Sa katunayan, hindi naman ito masyadong mahalaga para sa akin, ngunit kuryoso lang ako,” aniya at lumihis ng tingin.

Mukhang hindi niya alam ang depinisyon ng pagiging estranghero. Oo, hindi kami magkakilala, kaya dapat lang na magduda siya sa mga gagawin ko, pero sa halip ay parang gusto pa niya akong pagbigyan para hindi palayasin dito at mamangka pabalik kahit rumaragasa pa ang mga malalakas na alon.

“Nais ko talagang pumunta dito… para… uh… makita yung mansyon niyo ng malapitan,” pag-amin ko.

“Hmm… Ang ibig mo bang sabihin ay kinakain ka ng kuryosidad?” aniya. “O baka isa ka rin maharlikang tulad ko na bisita nina Mama’t Papa?”

“Uhm…” Ano raw? Maharlika? Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin para ’di niya ako palayasin sa bahay niya. Wala kasi akong choice. Nakakatakot bumalik sa bangka para sumulong ulit sa nagngangalit na dagat. Nanginginig ang aking buong katawan. Basang-basa kasi ako ng tubig-alat dahil tumalsik sa’kin ang mga alon.

Bigla niyang hinawakan ang pulso ko.

“Hmm… Sige. Tuloy ka. Mukhang kailangan mo munang mahimasmasan,” aniya at hinila ako palapit sa mansyon.

“Teka lang!” sabi ko at pinigilan ang sarili ko na magpatianod sa kaniya. Hanggang ngayon ay kumakalabog pa rin ang puso ko dahil sa pangamba.

“Bakit?”

“Parang hindi yata ako pwedeng pumasok,” sabi ko sa kaniya na may pag-aalinlangan. Nalaman ko kasi na may mga magulang siya. Baka mapagalitan pa siya dahil nagpapasok siya ng binatang mukhang gusgusin na tulad ko.

“Pamilya ko ang may-ari ng mansyong ito at inaanyayahan kita bilang aking bisita. Huwag kang mag-alala,” aniya at muli naman niya akong hinatak.

X

PINATULOY na niya ako sa loob ng kaniyang magarbong tahanan. Dahan dahan lang kami sa paglalakad. Nalula ako sa dami ng mga magagandang kagamitan sa loob. Sa bulwagan, nakabukadkad ang isang malaking aranya na para bang isang mahiwagang bulaklak na nagbibigay ng liwanag sa buong paligid. Batid kong malaki ang halaga ng bawat bagay na narito. Ngunit nakapagtataka lang na ang disenyo ng mga ito ay makaluma. Para bang bumalik ako sa panahon.

Hindi ko inaasahan na ganito ang makikita ko dito sa mansyon. Hindi ito yung nasaksihan ko kaninang umaga. Nasaan na yung mga dumi at makakapal na alikabok sa paligid? Bakit nung sumilip ako sa bintana kaninang umaga, lahat ng gamit dito sa loob ay nakatalukbong pa sa kumot na para bang walang nakatira dito? Nasaan na yung mga nakita kong mga sapot na nakakapit sa mga dingding at bintana?

Bakit parang ang daming nagbago ngayon?

Tsaka kani-kanina lang ay sobrang tahimik at walang tao ang bahay na ’to. Ngunit ngayon ay buhay na buhay na ang buong mansyon sa liwanag at ingay ng mga katulong na nagchichikahan habang puspusang naglilinis sa paligid.

“Nandun sa taas yung kwarto ko. Halika, doon tayo tutungo,” aniya at tinuro ang hagdan. Nakakapit pa rin siya ng mahigpit sa kamay ko na para bang ayaw niya akong makatakas. Hinayaan ko siya na hilahin ako paakyat ng hagdan ng mabilis.

Ngunit bago pa kami tuluyan na makapunta sa ikalawang palapag, may boses na biglang nagsalita sa likod namin na siyang nagpatigil sa amin.

“Qui est-ce, monsieur?” [Sino siya, kamahalan / Sir?]

Napalingon kami at nakita ang mayor doma na nakahalukipkip sa amin. Halata sa hitsura niya na isa siyang mayor doma sapagkat kakaiba ang kaniyang uniporme kumpara sa ibang mga katulong dito sa mansyon.

Masama ang kaniyang tingin na nagpabalik-balik sa aming dalawa, lalo na sa akin. Batid ko ang labis siyang nagtataka kung sino ako at kung bakit ako narito. Nakakatakot. Para niya kaming kakainin.

“Je ne le connais pas. Je viens de le voir à l’extérieur du manoir,” [Hindi ko siya kilala. Nakita ko lang siya sa labas ng mansyon.] sagot naman ng lalaki sa kaniya.

“Tes parents interdisent à quiconque d’y entrer, surtout s’il est sale,” [Ipinagbabawal ng mga magulang mo na magpasok dito ng kahit sinong tao, lalo na kung madumi.] sabi naman sa kaniya ng mayor doma pabalik na may hasik sa kaniyang pananalita.

Wala akong kahit anong clue sa mga pinagsasabi nila. Kinakabahan tuloy ako baka nilait-lait o minumura na nila ako nang hindi ko naiintindihan. Nakakabanas! Jusko, ano ’tong gulo na napasok ko?

“Alors je l’ai laissé entrer pour qu’il puisse nettoyer son propre corps,” [Pinapasok ko lang siya rito dahil gusto kong linisin niya ang kaniyang katawan.] sagot naman ng lalaki sa kaniya at nagpatuloy na kami sa pag-akyat.

“Je m’en fiche! Faites sortir cette personne, tout de suite!” [Wala akong pakialam! Ilabas mo na ang taong ’yan, ngayon din!] sigaw nung babae ngunit nakaalis na kami sa kaniyang harapan.

“Ah! Bahala na siya do’n! Ang sungit-sungit niya. Nakakairita!” aniya habang tinatahak na namin ang malawak na pasilyo sa ikalawang palapag.

Napayuko ako dahil sa takot at kahihiyan, ngunit bigla kong nakita na sa bawat yapak ko ay nag-iiwan ako ng basa sa sahig. Nadudungisan ko ang marmol na tiles sa baba.

“Hala! Mukhang nadumihan ko yata yung sahig,” sabi ko at napatakip ng bibig. Napalingon sa’kin yung lalaki habang naglalakad.

Tumingin siya sa baba at nakita ang aking mga bakas. Tinawanan niya ito.

“Di na bale, ano ka ba! Huwag kang matakot. May mga maglilinis naman diyan mamaya,” sabi niya sa’kin at huminto kami sa tapat ng isang pinto.

Binuksan niya ito at minuwestra na pumasok ako.

“Pasok ka, dali! Nandito na tayo kwarto ko,” aniya at nauna na siyang pumunta sa loob.

Hinubad ko ang suot kong tsinelas dahil nahihiya akong madungisan ng medyo maputik nitong talampakan ang carpet niyang ubod ng linis. Kaso pati paa ko ay nahihiyang tumapak dahil mas malinis pa yata yung carpet kaysa dito.

“Bakit mo hinubad yung tsinelas mo? Ayos lang naman sa’kin kung madumihan mo yung alpombre. Hindi na ’yan importante,” ani nung lalaki pero umiling lang ako. Bisita lang ako dito kaya dapat akong mahiya sa kaniya. Nagkibit balikat nalang siya sa naging desisyon ko. “Sandali lang, ha. Hahanapan lang kita ng tuwalya’t damit para makapagbihis ka na ng maayos.”

“Naku, nakakahiya naman. Maraming salamat,” sabi ko sa kaniya habang kumakamot sa aking batok.

Ngumiti siya sa’kin.

“Huwag ka nang mahiya. Kaibigan na kita mula ngayon,” aniya.

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.

Kaibigan? Bakit parang ambilis naman?

Mabilis siyang tumungo sa isang malaki aparador at kumuha ng tuwalya’t damit. Binalot niya sa akin yung tuwalya at nilapag niya naman ang damit sa kama.

“Papahiramin muna kita ng mga damit ko. Sa tingin ko, parehas lang tayo ng sukat,” aniya at tinuro ito sa kama. “Ayan, pwede ka nang magbihis.”

Umupo siya sa kama habang hinihintay ako sa aking gagawin. Nanatili lang ang kaniyang tingin sa akin.

Plano ba niya akong panoorin?

“Uhm… Pwede ka bang tumalikod?” tanong ko sa kaniya.

Tinaasan niya lang ako ng kilay.

“Huh? Bakit naman?”

Pinanliitan ko siya ng mata.

“Anong bakit? Magbibihis ako, di ba! Natural. Papanoorin mo ba ako?” sarkastiko kong tanong sa kaniya.

Ngumisi siya.

“Bakit hindi?” mapanuksong aniya.

Aba! Yung manyak pala ang mokong na ’to!

Umirap ako at humalukipkip.

“Sige na nga! Heto na. Tatalikod na ’ko… Hiya-hiya ka pa diyan,” kutya niya at humagikhik. Pero tumalikod na siya.

Dahan-dahan kong hinuhubad ang aking saplot habang nakatutok lang ang paningin ko sa kaniya. Kahit nakatalikod siya, pakiramdam ko ay nakangisi pa rin siya sa’kin.

“Kapag humarap ka, tutusukin ko ’yang mata mo.”

Binabantayan ko lang siya ng maigi kung sakaling bigla niya akong sisilipan. Nung hinubad ko na lahat ng damit ko, hindi nga ako nagkamali na paghinalaan siya dahil bigla siyang pumihit paharap sa akin.

Matulin kong hinablot ang tuwalya at ibinalot sa aking pang-ibabang katawan.

“Ano ba?! Sabi nang huwag mo ’kong tignan, e!”

Napataas ang tono ko dahil sa sobrang inis ko sa kamanyakan ng lalaking ’to.

“Oo na! Oo na!” aniya at malakas na tumawa. “Nangangamatis na ’yung mukha mo.”

Mas lalo pa tuloy nag-init ang aking mukha dahil sa sinabi niya.

XI

“MONSIEUR, voici votre nourriture,” [Ginoo, heto na po ang pagkain niyo.] sabi ng isang katulong dala ang isang tray ng pagkain para sa aming dalawa.

Nasa likod niya ang isa pang katulong na may dalang maliit na mesa at ipinatanong ito sa kama. Doon naman nilapag ng katulong ang tray ng pagkain.

“Merci,” [Salamat] simpleng pagtugon naman niya nung nilapag na yung tray sa side desk.

Para silang mga robot kung kumilos. Ganito ba dapat sila magtrabaho? Hindi naman sa minamaliit ko sila, pero parang hindi na natural ang kanilang ikinikilos.

“Es-tu sûr que tu vas manger ici?” [Sigurado po ba kayo na dito kayo kakain?] tanong ng katulong.

Medyo nakakabahala ang kawalan ko ng ideya sa mga binibigkas nilang salita. Baka may pinag-uusapan silang plano na gagawin sa akin na lingid sa aking kaalaman.

Tumango lang ang binatang lalaki, at ’di nagtagal ay umalis na rin ang dalawang katulong.

Base sa kilos ng mga katulong, para bang iniiwasan nila na mapabaling ang kanilang atensyon sa akin. Hindi naman sa ninanais kong mapansin nila, ngunit ganito ba talaga yung trato nila sa tuwing nagdadala ng bisita yung amo nila?

Pumwesto na kami sa harap ng mini table na nakapatong sa higaan.

Sinilip ko kung ano yung nasa plato. Nakita ko ang dalawang mangkok ng soup at may mga kalakip itong kutsara. Mushroom soup ang laman ng mangkok. Kaya pala parang pamilyar sa’kin ang aroma, sapagkat nakatikim na ’ko nito dati.

“Alam mo, tamang-tama talaga ’tong pagkain na ’to para sa’yo. Mapapainit nito yung katawan mo,” aniya.

Ngumiti ako. Nag-aalangan na tanggapin ang alok niyang pagkain.

“Huwag ka nang mahiya. Bisita na kita.”

Tumango ako.

Inayos na niya ang pagkakapwesto ng mangkok sa mesa at inalok niya sa’kin ang kutsara. Tinanggap ko naman ito.

“Ingat ka lang. Kakaluto lang niyan. Baka mapaso yung dila mo,” paalala niya.

Sa lapit ng distansya ng aming mga mukha, hindi ko maiwasan na mapansin ang detalye ng kaniyang hitsura. Sigurado akong may dugo siyang banyaga. Parang prinsipe sa pelikula ang dating niya.

Nakakaaliw ang kaniyang pananalita ng Tagalog, halata ang kakaibang tono sa bawat pantig.

Sa mga sandaling iyon, hindi ko inasahan ang pamumula ng aking pisngi, dahil sa talaga ng aming pagtititigan. Maliit lang kasi ang bed table na nasa pagitan namin. Ilang sentimetro ang layo ng aming mga noo, at isang abante lang ay magdidikit na ang mga ito.

Ang kaniyang buhok ay parang mga gintong sinulid. Blonde ang kulay nito at tila nagniningning sa liwanag ng buwan. Lubhang matino ang pagkakaayos ng buhok niya at aakalain mong maraming oras ang kaniyang ginugugol sa pagsusuklay.

“Ihipan mo muna yung sabaw bago mo higupin,” suhestyon niya at ipinakita niya sa akin kung paano gawin iyon.

Alam ko. Hindi ako tanga.

Hindi ito ang unang beses na nakatikim ako ng mainit na soup. Ano ba ang tingin sa’kin ng lalaking ’to?

Nauna niya itong tinikman. Ilang segundo akong napatitig sa mangkok bago ko sinimulan ang paghigop sa soup. Dumaloy ang init sa katawan ko at nagdala ng kagihawaan.

Ibinaling niya sa’kin ang kaniyang paningin.

“Paano ka nga pala napadpad dito?” tanong niya sa kalagitnaan ng aking pag-nguya sa kapritsong kabute na nasa aking bibig. Malinamnam ito sa aking panlasa.

“Galing akong plaza kanina…”

“Tapos?”

“May nakita akong paru-paro.”

“Anong meron d’un sa paru-paro?”

Hindi ko inakala na magiging interesado siya sa walang kabuluhan kong dahilan.

“Sinundan ko pero… lumipad siya. Palayo ng palayo hanggang sa napadpad ako sa dalampasigan sa tapat ng mansion mo,” pagpapatuloy ko.

Nililunod ako sa pagtitig ng kaniyang bughaw na mata.

Dagat.

Para itong dagat na nanghihila sa kawalan.

Kumikislap na parang bituin.

Marami pa akong pwedeng ihambing.

“Tapos… Naisipan mong sumakay ng bangka at pumunta rito upang usisahin ang tahanan ko?” tanong niya.

“Hmm… parang ganun na nga,” sabi ko naman.

“Hindi ko ugali ang manghimasok sa bahay ng hindi ko kilala.”

“Tinanong ko ba?”

Nagsalubong ang kaniyang kilay.

“Akala ko pa naman, isa kang mangingisda,” aniya tapos tumigil na siya sa pagtawa. “Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi mo nasagip yung sarili mo kanina.”

“Pero dumating ka naman, eh. Huwag na nating balikan yung nangyari.”

Nahiya ako nung binanggit nanaman niya ang insidenteng iyon. Nagkibit balikat lang siya.

“Sige. Sabi mo, eh.”

Ngumiti siya.

Ngiting makahulugan.

At kahit hindi nakakapagsalita ang mga mata, narinig ko ang kaniyang pagtitig.

“Nagkita tayo ulit,” bulong nito.

dito ka nararapat…“

sa tahanan ko…“

sa piling ko…“

sa buhay ko…“

sa puso ko.“

Ang mga bulong ay nabuo na tila isang awitin.

“Ako nga pala si Maxence,” pakilala niya.

M

axence

.

Bagay sa kaniya ang pangalan niya.

“Rafael.”

Inalok ko ang aking kamay upang makipag-shake hands.

Sa halip ay tinanggap niya ito upang halikan.

XII

BINAWI ko agad ang aking kamay mula sa kaniya.

“Pasensya na. Ang lambot kasi ng kamay mo. Sa palagay ko, mas bagay kung hahalikan ko ito,” paliwanag niya.

Napaiwas ako ng tingin dahil pakiramdam ko ay umiinit ang aking pisngi. Nakakairita. Sa akin pa talaga niya ginamit ang pagiging bolero niya. Pinunasan ko agad ang aking kamay sa laylayan ng damit ko.

“Ang lakas ng trip mo rin, hano! Ka-lalaki kong tao!”

Medyo nagsisi ako sa sinabi ko. Ang big deal kasing pakinggan.

“Alam ko, subalit mukha namang wala kang pinagkaiba sa isang babae. Kasing-arte mo ang ilan sa kanila,” aniya na may kasamang iritasyon. Halatang nasaktan siya sa pandidiri ko.

“Kilabutan ka nga sa ginawa mo! Ni hindi ka man lang nagsabi kung ayos lang ba sa’kin na gawin mo ’yun.”

“Hayaan mo. Sa susunod, magpapaalam na ako,” aniya. Mapang asar talaga siya, ha.

“Hoy! Wala nang next time. Subukan mo lang at ingungudngod na kita sa sahig.”

Humagikhik siya… na para bang sa tinagal-tagal na panahon, ngayon lang siya naramdam ng tuwa.

“Depensibo ka naman masyado.”

Hindi ako umimik.

“Natutuwa akong makilala ka, Rafael,” aniya.

Rafael…

Umalingawngaw ang aking pangalan sa bawat sulok ng aking isipan. Isang pamilyar na tinig. Tinatawag ako.

Rafael. Rafael. Rafael.

Sumilip ako sa bintana upang matanaw ang mga talang bumubuhay sa kadiliman ng gabi. Nakakasilaw ang liwanag ng buwan na umaabot sa loob ng silid.

“Mahilig din ako sa mga paru-paro,” aniya at humigop muli ng soup. Nais magsimula ng pag-uusap upang basagin ang katahimikan.

Naiinis ako. Hindi ko alam.

“Tinanong ko ba?”

“Pangalawang beses mo nang sinabi ’yan.”

Napangisi ako.

“Binibilang mo pa talaga.”

Ngumuso siya.

“Hindi ako makapaniwala,” aniya. “Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakatanggap ng isang pilosopong bisita.”

“Ngayong nandito na ’ko, maniwala ka na,” sabi ko.

Tumawa siya.

“Kakaiba ka sa mga nakilala ko.”

“Malamang. Ngayon mo palang ako nakilala, kaya kakaiba ako sa paningin mo.”

Napabuntong hininga siya at yumuko.

“Tama na. Wala nang patutunguhan ang usapang ’to.”

“May patutunguhan sana kung hindi mo sinimulan. Ano bang meron sa paru-paro at parang biglang gusto mong pag-usapan?”

Mahina siyang tumawa at napailing.

“Hindi ka ba mahilig sa paru-paro?”

“Bakit? Sino bang may sabi?”

“Ewan ko.”

“Wala naman akong sinabi.”

Nagpatuloy lang ang aming paghigop sa soup.

“Yung totoo, naiilang ka ba sa’kin?”

Humigop nalang ako ng soup sa halip na sumagot.

Hindi ko siya kayang kausapin ng maayos. Hindi ko siya kayang titigan ng matagal. May mga bagay na naglalaro sa aking dibdib at hindi ko matukoy kung ano ang ibig sabihin nito.

Naiinis ako.

Kakaiba ang dating ng kaniyang tinig. Tulad sa mga pelikula. Doon ko lang ito napapakinggan. Na tila ang bawat salita ay bumubuo sa isang panalangin.

Nalilito ako.

Sa pandinig ko, sa’kin siya dumadalangin. Ano pa ba ang maihihiling niya sa akin. Nasa kaniya na ang lahat.

At sa inis na ’yon, nakalimutan ko na ang tunay kong kinalalagyan. Bisita lang ako. Dapat akong umasal ng tama sa loob ng pamamahay ng ibang tao.

“Huwag kang mahiya sa’kin. Hindi naman kita kakagatin,” aniya.

Mas mabuti kung hindi ko nalang sasabihin sa kaniya ang katotohanan. Hindi lahat ng totoo ay dapat isiwalat. Delikado.

NATAPOS NA namin ang aming pagkain. Hinatiran kami ng mga katulong ng inumin.

Nanunuyot ang aking lalamunan ngunit hindi ako nauuhaw. Nais kong magsalita ngunit ano nga ba ang sasabihin ko?

May sasabihin ako. Nasa dulo na ng dila ko. Hindi ko maibigkas.

Pinagmasdan ko ang pagsalin ng tubig sa aking baso ng isang katulong. Nakataas ang kaniyang isang kilay. Wala naman akong ginawang masama sa kaniya. Ewan ko. Nalilito ako sa kinikilos ng mga tao sa paligid ko, maliban kay Maxence.

“Ako na,” pagpigil ni Maxence at inagaw ang pitsel. Hindi pa nakakalahati sa aking baso ang tubig.

Hinayaan naman siya.

“May gusto ka pa ba?” tanong ni Maxence sa akin. “Panghimagas?

“Naku! Huwag na. Nakakahiya. Sapat na ’tong mga binigay mo,” sabi ko at ngumiti sabay inom ng tubig.

“Bagay sa’yo ang nakangiti.”

Nasamid ako.

“A-ayos ka lang?”

Tumango nalang ako at lumagok pa.

Hindi pa rin ako makapaniwala na nakapasok ako sa loob ng mansyong ito. Malayo palang, tanaw ko na ang karangyaan. Sa pagpasok, para akong nilulunod sa pilak at ginto.

Tiyak akong masayang-masaya si Maxence sa buhay niya.

Ininom ko ang tubig at ibinigay sa katulong ang baso. Mataray ito. Hindi tumitingin. Nakataas pa rin ang isang kilay.

Wala naman akong ginawang masama.

“Gusto mo na bang matulog?”

Hindi ako sumagot. Gising na gising pa rin ang ulo ko.

“O di kaya magkwentuhan nalang!” bibo niyang saad. “Alam mo, marami akong alam na kwento.”

AH, MARAMI raw siyang kwento. Ilang minuto na nakakalipas, mas maingay pa ang mga kuliglig kaysa bibig niya.

“Alam mo, kung wala ka talagang maisip na pwedeng ikwento, ayos lang naman sa’kin na ’di nalang tayo umimik,” sabi ko sa kaniya. Napansin kong nagulat siya. “May alam ka pa bang pwede nating pag-usapan?”

Napaiwas siya ng tingin na naging dahilan ng aking pagsisisi na magsalita sa kaniya ng hindi maganda.

Ako na nga itong tinanggap niya sa kaniyang tahanan, ako pa ’tong nagiging garapal ang ugali.

“Pasensya na. Wala akong maisip talaga,” aniya at yumuko at napakamot sa kaniyang batok.

Hala! Bakit naman kasi biglang gumaspang ang ugali ko sa kaniya? Ako na nga itong naging panauhin niya, ganito pa ako umasta.

“Ayos lang,” tipid kong sabi sa kaniya.

“Nababagot ka ba? Sa totoo lang, wala naman akong iba pang kayang ikuwento sapagkat hindi naman ako pinapayagang lumabas ng mansyon,” aniya.

Kasalanan ko ’to.

“Ayaw kitang mabagot. Kaya nag iisip ako ng mga bagay na pwede nating pag-usapan. Sadyang nakakalungkot lang talaga yung buhay ko, para maging interesanteng pakinggan,” tuloy pa niya.

Nakakalungkot? Anong bahagi ba ng buhay niya ang nagbibigay sa kaniya ng lungkot?

Inikot ko ang aking paningin sa kaniyang silid. Halos lahat na yata ng gamit ay meron siya. Mula sa mga naglalakihang aparador at malawak na alpombre. Mga kagamitang halatang mamahalin tulad ng damit na pinahiram niya sa’kin.

“Kung meron ka naman ng lahat ng ito, bakit kailangan mo pang lumabas? Lahat na yata ng pangangailangan mo, mahahanap mo na agad sa bahay mo. Ano pa bang wala sa’yo?”

Tinignan niya ako sa mga mata na may hindi maipaliwanag na determinasyon.

“Kaibigan,” simpleng sagot niya at nagpatuloy na sa kaniyang kinakain. Nakayuko siya na para bang itinutuon niya lang ang kaniyang atensyon sa pagkain, hindi ninanais na makita ang aking reaksyon.

Nalungkot ako sa reyalisasyon.

“Sorry,” panghihingi ko ng tawad sa hindi maipaliwanag na dahilan. Dahil siguro mahirap para sa kaniya na humanap ng isang kaibigan lalo na at nakakulong lang siya sa loob ng kaniyang mansyon buong maghapon.

“’Di na importante ’yon,” aniya at ngumiti. “Kumain nalang tayo.”

Tumango nalang ako at pinagpatuloy ang aking kinakain.

“Sandali lang,” biglang sambit ni Maxence sa akin.

Napatigil ako muli sa pagkain.

“Bakit?”

“May gusto lang akong itanong sa’yo.”

“Hmm?”

Inayos na muna niya ang kaniyang lalamunan bago siya nagsalita.

“Pwede ba kitang maging kaibigan?”

Hindi ako nag-alinlangan na tumango bilang pagtugon sa tanong niya. Mukha naman siyang mabait, mapagkakatiwalaan, mayaman, at higit sa lahat ay may hitsura.

Malay mo, may iba pa palang kahahantungan ito. Biro lang!

“Alam mo, sa totoo lang, hindi mo na kailangang magpaalam. Ang pagkakaibigan kasi, hindi ’yan ipinagsasabi, dahil nakabase lang ’yan sa samahan. Kung maganda na yung pakikitungo natin sa isa’t isa, ibig sabihin, magkaibigan na tayo.”

Sa pagngiti niyang muli, para bang mas nagliwanag pa ang kaniyang mukha kaysa sa mga pinagsama-samang tala sa kalangitan.


Return to top?
WattHub

Install WattHub

Size unavailable

App name
WattHub
App version
1.48.250
App size
Description
A digital library of Wattpad stories and Filipino fiction, thoughtfully preserved for readers today and tomorrow.
Developer
WattHub Team

Dismiss install banner?

No problem. You can still install WattHub anytime from the download icon in the header.

WattHub

Notifications

Notifications are off

Get notified on this device when the library grows or changes.