Sa Pag-uwi ni Best (Self-Published)
vincentmanrique · 4 chapters · 3,156 words
Sa Pag-uwi ni Best
Paano kung ang iyong buhay ay malagay sa peligro? Paano na ang mga taong umaasa sa’yo?
Paano kung ang iyong pangarap ay maging bangungot?
Makauuwi ka pa ba nang ligtas at buo?
Chapter 1
“MGA KASAMA!!! Hahayaan ba nating laging magbibingi-bingihan ang gobyerno sa bawat hinaing ng ating mga kababayan na nagpapakahirap sa pagtatrabaho sa ibang bansa? Pababayaan ba nating laging nasasayang ang buhay ng ating tinatawag na mga bagong bayani dahil hindi gumagawa ng kongkretong hakbang ang ating pamahalaan para maipaglaban ang kanilang karapatan? Hihintayin na lang ba natin na isang kababayan na naman natin ang mamatay dahil sa kawalan ng hustisya?” Umaalingawngaw ang boses ni Patty habang nagsasalita sa hawak na mikropono. Tatlong araw na silang nagbabarikada sa harap ng POEA. Mula nang pumutok ang balita tungkol sa isang OFW na nahatulan ng kamatayan sa bansang Indonesia ay hindi na sila tumigil na kalampagin ang gobyerno para bigyan ang agarang aksyon ang trahedyang sinapit ng isa nating kababayan, si Nina Delgado. Nahatulan siya ng kamatayan dahil sa diumano’y pagpatay sa batang kanyang inaalagaan. Napakahirap sa loob ni Patty na ang matalik niyang kaibigan mula pagkabata na walang inisip kundi maiangat ang estado ng pamumuhay ng kaniyang pamilya ay nahaharap ngayon sa masakit na kamatayan. At bakit hindi sasakit? Kilala niya ang kanyang kaibigan. Hayop nga ay hindi ito nananakit, tao pa kaya ang makakaya nitong patayin? Kung namatay man ang batang inaalagaan nito, siguradong inosente ang kanyang kaibigan. Kailan man ay hindi siya maniniwalang ang bespren niyang si Nina ang pumatay sa batang anak ng kanyang amo sa Indonesia. At ngayon nga, isang linggo na lang bago ang takdang araw ng pagsasagawa ng hatol na kamatayan ay mas lalo silang nag-iingay para mapilitan ang gobyerno na kumilos para iligtas si Nina.
“Pauwiin si Nina!” sigaw ng mga taong kasama sa barikada. Lahat sila ay nag-aalab ang damdamin sa tingin nilang walang katarungang paghatol ng kamayatan kay Nina sa bansang Indonesia.
“Buksan muli ang kaso!” sigaw naman ng iba pa. “Wag nating hayaang masayang ang buhay ng isang bagong bayani!”
“Patty!”
Lumingon si Patty sa pinanggalingan ng tinig at nakita niya si Migs, empleyado sa isang Non-Governmental Organization na tumutulong sa mga OFW na nagkakaproblema sa bansang pinagtatrabahuhan nila. May dala itong brown envelope na may lamang mga dokumento.
“Migs, anong balita?”
“Mukhang mahihirapan tayong ilaban ang kaso ni Nina. Peke ang mga dokumentong ginamit niya para makaalis ng bansa. Pati edad niya pineke rin. At yung agency niya, di na rin mahagilap dahil di rehistrado sa POEA.”
Nanlumo si Patty. Isang linggo na lang at igagawad na kay Nina ang death penalty. Ayaw niyang isipin na sa ganoong trahedya magwawakas ang buhay ng pinakamatalik niyang kaibigan.
“Anong gagawin natin, Migs. Hindi pwedeng wala. Hindi pwedeng mamatay si best. Kung makikita mo lang ang nanay ni best, nakakaawa. Hanggang ngayon hindi niya matanggap ang sinapit ng kanyang anak. Dalawa na lang sila sa buhay. Siya ang dahilan kaya nagpumilit mangibang bansa si best. Gusto niyang mabigyan ng maginhawang buhay ang nanay niya. Tapos ganito…”
“Ginagawa naman natin ang lahat para matulungan si Nina. Lahat ng posibleng paraan. At hindi tayo titigil hanggang sa huli,” pilit na pinagagaan ni Migs ang sitwasyon. “Kakausapin natin ang secretary ng DFA. May appointment ako sa kanya mamaya tungkol sa kaso ni Nina. Gusto mo bang sumama?”
“Oo, Migs. Sasama ako.”
“MAGANDANG hapon po.”
“Maupo kayo,” paanyaya ng kalihim ng DFA. “Anong maipaglilingkod ko sa inyo?”
“Sir, narito po kami para ihingi ng tulong si Nina Delgado, yung nahatulan ng death penalty sa Indonesia.”
Tumango-tango ang kalihim. “Pinag-aralan namin ang kaso niya. Nagpadala ang gobyerno ng tulong sa kanya. Siniguro ng tanggapan ko na mabigyan siya ng abogadong magtatanggol sa kanya. Ginawa namin ang lahat para iligtas siya,” saglit na huminto sa pagsasalita ang kalihim. “Mabigat ang ebidensiya laban sa kanya. Mismong ang ama ng bata ang nakakita kung paano niya itinulak ang bata na naging sanhi ng pagkakauntog ng ulo nito sa pader na naging dahilan ng pagkamatay nito.”
“Hindi po ’yan totoo,” sagot ni Patty. “Dala ko ang kopya ng mga chat namin ni Nina. Nakalagay dito kung gaano niya kamahal ang batang inaalagaan niya. Nakasulat dito kung gaano niya iniingatan ang anak ng amo niya. Ni minsan, walang binanggit sa akin si Nina na naging pasaway ang batang inaalagaan niya. Ang medyo hindi magandang naikuwento niya sa akin ay nang minsang mahuli niya ang amo niyang lalaki na binobosohan siya habang naliligo. Hindi naman siguro dahilan iyon para sa bata gumanti si Nina.”
“Sir, wala po ba tayong magagawa para hindi matuloy sa isang linggo ang pag-firing squad kay Nina?” tanong ni Migs. “Kahit ipaantala lang muna natin ang paggawad ng hatol habang umaapela ang gobyerno na muling buksan ang kaso niya.”
“Hindi naman tayo tumitigil sa pagbibigay ng suporta kay Nina. Katunayan, tatlong araw mula ngayon ay dadalhin namin sa Indonesia ang nanay ni Nina para magkita silang mag-ina.”
“Alam ko po ’yun. Kasama po ako dun. Ako ang pinili ni Nanay Lita para samahan siya sa Indonesia,” paliwanag ni Patty. “Pero, Sir, hindi sapat na magkausap lang sila. Ang dapat ay mapabuksan ulit ang kaso ni Nina para lumabas ang katotohan na hindi siya mamamatay-tao. Hindi siya kriminal. Hindi kriminal ang best friend ko,” nangingilid na ang luha sa mga mata ni Patty.
“Ginagawan naman namin ng aksyon ’yan, pero sana maintindihan n’yo rin that we can only do so much. May sariling batas ang Indonesia at di na sakop ng Pilipinas kung paano nila ipatutupad ang batas nila.”
“Pero walang kasalanan ang kaibigan ko! Hindi niya pinatay ang bata. Sigurado ako doon.”
“Iba ang sinasabi ng saksi. Iba ang itinuturo ng mga ebidensya. Ang magagawa na lang natin sa ngayon ay magdasal at umasa na papayag ang gobyerno ng Indonesia na pabuksan muli ang kaso. Ginagawa namin ang lahat.”
“Nakaapekto po ba sa kaso yung pagiging ilegal ng mga dokumentong ginamit ni Nina para makapagtrabaho sa Indonesia?” Bakas ang labis na pag-aalala sa mukha niya.
“Ibang kaso ’yun na isinampa na rin laban sa kanya. Pero mas tinututukan muna namin yung murder case niya dahil buhay ni Nina ang nakasalalay dun. Isang linggo na lang ang natitira. Kapag wala pa rin tayong nagawa, hindi na natin mapipigilan ang pagpataw ng parusang kamatayan kay Nina,” paliwanag ng kausap nila.
Chapter 2
“DIYOS ko!” mangiyak-ngiyak na si Patty. “Gawin n’yo po lahat ng paraan para mapapayag ang gobyerno ng Indonesia na pabuksan muli ang kaso ni Nina. Gawin n’yo po lahat ng paraan para matulungan ang best friend ko. Siya ang biktima rito. Biktima ng human trafficking. Biktima ng maling akusasyon.”
“Hinahanap na rin namin ang recruiter ni Nina,” sabi nito. “Malaki ang pananagutan niya sa batas sa pagpapalabas ng bansa kay Nina gamit ang mga pineke at ilegal na dokumento. Basta, umasa kayo na hindi naman kami nagpapabaya. Tinututukan namin ang kasong ito,” paniniguro pa nito sa kanila.
“Maraming salamat po, sir. Sana po may maging positibong tugon ang mga aksyon na ginagawa ng ahensya n’yo,” sabi ni Migs.
“We’ll keep you posted sa mga kaganapan, maasahan n’yo ’yan.”
Tumango si Migs. “Sige po, sir. Magpapaalam na po kami.”
NANGINGINIG ang katawan ni Nanay Lita, ang ina ni Nina habang bumababa ng eroplanong nagdala sa kanila sa Indonesia. Kasama niya si Patty. Solong anak niya si Nina at matagal ng patay ang asawa niya kaya si Patty ang pinakiusapan niyang sumama sa kanya sa pagdalaw kay Nina. Si Patty na kaibigang matalik ng anak niyang si Nina mula pagkabata. Saksi si Nanay Lita sa pagkakaibigan nina Nina at Patty. Parang magkapatid na ang turingan ng dalawa. Magkakampi sa lahat ng bagay. Ang kaaway ni Nina, kaaway na rin ni Patty. Ganun din naman si Patty kay Nina. Ano pa’t talagang tila pinagdugtong na ang mga pusod ng dalawang babae. Mas naging close pa sila habang nagdadalaga. Magkasundo sa halos lahat ng bagay. Ni minsan ay hindi nakita ni Nanay Lita na nagbangayan ang dalawang dalaga. Ang totoo, ayaw ni Patty na mag-abroad si Nina. Kahit malakas ang loob ni Patty at tila laging palaban, ito pa mismo ang unang tumanggi sa plano ni Nina na mangibang-bansa. Pero dahil gusto rin niyang suportahan ang pangarap ng kaibigan ay hindi naman pinigilian ni Patty si Nina sa desisyon nito. Lagi lang nitong paalala kay Nina na laging mag-iingat at huwag kalilimutang magdasal.
Paglabas ng airport ay bumiyahe na sina Patty at ang nanay ni Nina patungo sa isang high security jail sa malayong isla ng Nusakambangan na matatagpuan sa Central Java. Dito dinadala ang mga bilanggong nahatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Kasama nila ang dalawang staff ng Philippine Embassy sa Indonesia. Medyo mahaba rin ang naging biyahe. Kalmado lang si Patty habang ang nanay ni Nina naman ay walang tigil sa pagrorosaryo.
Sa wakas ay narating nila ang lugar kung saan nakakulong si Nina. Akala ni Patty ay makakausap nila nang malapitan si Nina pero hindi pala. Dinala lang sila sa isang silid na kung saan may isang mesa at telepono. May bahagi ng silid na puro salamin at sa tapat niyon ay nakikita nila si Nina na nakakulong sa isang isolation cell. Medyo may kalayuan ang puwesto nila sa lugar ni Nina kaya hindi nila alam kung nakikita sila nito.
Inangat ng isang bantay na pulis ang telepono at pagkatapos pindutin ang apat na numero ay inabot iyon kay Patty.
“Hello?” Nakita ni Patty nang angatin ni Nina ang telepono sa silid na kinalalagyan nito. “Hello, best. Si Patty ito. Nandito kami sa katapat na silid ng selda mo. Tingnan mo, kasama ko ang nanay mo.”
Nakita ni Patty na nagpalinga-linga si Nina hanggang makita niyang kumaway ito sa kanila. “Kumusta ang nanay,” sabi ni Nina.
Gustong maiyak ni Patty. Heto ang best friend niya, nahatulang mamatay sa pamamagitan ng firing squad, pero ang nanay pa rin nito ang kanyang iniisip. Parang katulad din ng dahilan kung bakit ginusto nitong mag-abroad, para mabigyan ng maalwan na buhay ang ina na siyang nag-iisang pamilya ni Nina.
“Eto siya, best. Kausapin mo…” Ibinigay ko kay Nanay Lita ang telepono.
“Nanay…” garalgal ang boses ni Nina. “Kumusta ka po? Umaatake pa po ba ang sakit mo? Kumakain ka po ba sa oras?” sunod-sunod ang tanong ni Nina, kitang-kita kung gaano nito kamahal ang kanyang ina.
“Oo, anak. ’Wag mo akong alalahanin, lagi naman akong binibisita ni Patty. Ikaw, anak kumusta ka?” Hindi na napigilan ni nanay Lita ang pagdaloy ng luha sa kanyang mata. Tuloy-tuloy itong umagos sa kanyang pisngi.
Napahagulgol si Nina. “Hindi ko po alam, nanay. Tanggap ko na ang kapalaran ko, pero ang hindi ko matanggap ay ’yung iiwan ko na kayo. Sino pang mag-aalaga sa inyo, nanay? Lalo na maysakit kayo. Paano na po kayo ’pag wala na ako?”
“Huwag mo akong isipin. Matanda na ako. Mas ikaw ang inaalala ko. Napakabata mo pa para maharap sa ganitong problema.”
“Wala po akong kasalanan, ’Nay. Hindi ko magagawa ’yung ibinibintang nila sa akin. Mahal na mahal ko ’yong batang inalagaan ko. Hindi ko siya kayang patayin o kahit na sino pang bata.”
“Naniniwala ako sa’yo anak. Kilala kita. Napakabuti mo. Hinding-hindi ko maiisip na magagawa mong pumatay ng tao.” Nanginginig ang boses ni Nanay Lita habang nagsasalita. Hindi talaga matanggap ng kalooban niya na isasalang sa firing squad ang anak.
“Nanay, basta lagi mo pong tatandaan na mahal na mahal kita. Ano man ang mangyari, ingatan mo lagi ang sarili mo. Ibinilin kita kay Patty. Alam kong, hindi ka niya pababayaan.”
“Gusto mo ba siyang makausap?”
“Sige po…”
Ibinigay ni Nanay Lita ang telepono kay Patty.
“Hello, best…”
“Patty, best… Ikaw na ang bahala sa nanay. Sana kahit mag-asawa ka na, huwag mo siyang pababayaan. Wala na kasing maiiwan para tumingin-tingin sa kanya. baka ito na ang huling pagkakataon na makakausap ko kayong dalawa. Ang hirap, best. Wala akong kasalanan pero ganito pa ang nangyari sa akin.”
“May awa ang Diyos. Huwag kang mawalan ng pag-asa,” pagpapalakas ng loob ni Patty kay Nina. “Ano ba talaga ang nangyari? Bakit namatay ’yung batang inaalagaan mo?”
“Makinig ka, best. Ikukuwento ko sa’yo. Kinuwento ko na rin ito sa mga pulis at kahit dun sa abogadong ibinigay sa akin, pero wala pa ring nangyari. Hindi sila naniniwala sa akin. Mas pinapaniwalaan nila ’yung tatay ng alaga ko.”
“Sige, best… makikinig ako,” nangingilid ang luhang sabi niya.
Chapter 3
NAGSIMULANG magkuwento si Nina. “Mabait ang batang inalagaan ko. ’Di ba nasabi ko na sa’yo dati na mahal na mahal ko ’yun. Malikot siya, siyempre bata kasi. Pero malambing din siya. Magkasundo kami. Malapit na malapit siya sa akin. ’Yung tatay ng alaga ko, madalas na umuuwing lasing. Madalas din silang mag-away ng asawa niya. Nung minsang nag-away sila, lumayas ’yung babae. Dadalhin sana niya ang alaga ko, pero hindi pumayag ’yung amo kong lalaki. Kaya naiwan sa bahay ’yung bata. Siyempre andun din ako dahil naroon ang alaga ko…
…Isang gabi, umuwing lasing na naman ang amo kong lalaki. Nang buksan ko ang pinto, nagsimula siyang bastusin ako. Hinipuan niya ako sa lahat ng parte ng katawan ko. Tumatanggi ako, umiiwas… pero sinampal niya ako. Sinuntok rin niya ako sa sikmura kaya napasigaw ako sa sobrang sakit. Narinig ang alaga ko ang sigaw ko kaya lumabas siya ng kuwarto.“
“ Ayah! “ sigaw ng alaga ko. “Tidak menyakiti pengasuh saya!”
Pero parang walang narinig ang amo ko. Pinagsasampal na naman niya ako.
“Don’t hurt me. Please have mercy!” pagmamakaawa ko sa aking amo.
Nakita ko ang amo ko na tumawa lang at tila baliw na nagsisigaw. Muli siyang lumapit sa akin at hinawakan ang aking dibdib.
“Huwaaagg! Maawa ka sa akin!”
“Tidak menyakiti pengasuh saya!” Tumakbo ang alaga ko at kinagat sa hita ang tatay niya.
Napasigaw sa sakit ang amo ko at bigla niyang tinabig ang anak na kagat-kagat pa rin ang hita niya.
Sa lakas ng pagkakatabig niya sa bata ay tumilapon ang alaga ko at nauntog ito sa konkretong dingding. Kitang-kita ko nang walang malay na bumagsak sa sahig ang batang inaalagaan ko.
“Dwi!!!” Binalot ng panghihilakbot ang buong katauhan ko.
Tila nawala naman ang kalasingan ng amo kong lalaki nang makita niyang walang malay na nakabulagta sa sahig ang kanyang anak.
Patakbong nilapitan ng amo ko si Dwi. “Dwi! Anak-anak, bangun! “
Hindi kumikilos ang bata. Laking gulat ng amo ko nang makita niya ang umaagos na dugo mula sa ulo ni Dwi.
Pinakiramdaman ng amo ko ang pulso ni Dwi. Pilit din niyang pinakinggan ang tibok ng puso ng bata.
Maya-maya’y nag-angat ng ulo ang amo ko at galit na galit ang tinging ipinukol sa akin.
“Anda membunuh anak saya! You killed my son!” sigaw sa akin ng amo ko. Bakas sa mukha niya ang di maipaliwanag na poot.
Natakot ako. Bumakas ang kilabot sa aking mukha. “Hindi… No, I did not kill your son! You killed him!”
Tumayo ang amo ko at lumapit sa akin. Hindi ako nakailag nang padapuin niya ang isang malakas na sampal sa aking pisngi. Para akong nabingi sa lakas ng pagkakasampal niya sa akin.
“ Anda akan membayar untuk ini! You’ll pay for this! I’ll make sure you’ll be jailed for killing my son!“ Nagmukhang demonyo sa paningin ko ang aking amo.
“No… I did not kill Dwi. You killed him!”
“ Kau membunuh Dwi. You killed Dwi.“
“Naghalo-halo na ang takot at pisikal na sakit na aking nararamdaman. Namalayan ko na lang na may dumating na mga pulis at dinala ako para ikulong at imbestigahan. Wala na akong nagawa, best. Pinalabas ng tatay ni Dwi na ako ang nakapatay sa anak niya.”
“Napakasama ng amo mo. Hayup siya!” dama ni Nina ang simpatya sa kanya ni Patty. Pero ang awa at simpatya ay tila wala nang halaga. Ilang araw na lang at igagawad na sa kanya ang parusang kamatayan sa isang kasalanan na kailan man ay hindi niya ginawa.
Tanggap na niya ang kapalaran niya. Wala na siyang magagawa. Mas iniisip niya ngayon ang magiging kalagayan ng nanay niya kapag wala na siya. Buti na lang at nandiyan ang best friend niyang si Patty. Alam niyang hindi nito pababayan ang kanyang ina.
“Time is up!” sabi ng pulis kay Patty. Kinuha nito ang telepono mula sa dalaga. Wala nang nagawa si Patty kundi tanawin na lang si Nina mula sa seldang kinaroroonan nito. Nakita niyang nakatingin rin ito sa kanila ni nanay Lita. Malungkot na kinawayan ni Patty si Nina. Alam niya, maaaring iyon na ang huling araw na makikita niyang buhay ang kanyang best friend.
NANG SUMUNOD na araw ay bumiyahe na pabalik ng Maynila sina Patty at nanay Lita. Sa Pilipinas na nila hihintayin ang ano mang kahihinatnan ng kapalaran ni Nina. Umaasa pa rin sila na may magagawa pang paraan ang pamahalaan ng Pilipinas para hindi matuloy ang hatol na kamatayan sa kanyang matalik na kaibigan. Iyon na lang ang puwede nilang gawin ngayon. Umasa.
NANG SUMAPIT ang takdang araw ng paggawad ng hatol na kamatayan kay Nina ay nasa kalsadang muli si Patty kasama ang iba’t-ibang grupo na kumokondena sa mabagal na pagkilos ng gobyerno para bigyang ayuda ang mga kinakaharap na problema ng mga OFW. Ang dala nilang mga placard ay sumisigaw ng mga dasal na sana ay huwag matuloy ang firing squad kay Nina, pati na rin ang paghingi ng hustisya para sa mga inosenteng OFW na nahahatulan para sa kung anu-anong mga kaso sa ibang bansa.
Sino nga ba namang tao ang dadayo pa sa ibang lupain para lang gumawa ng krimen? Wala naman, di ba?
Nagtrabaho sila sa ibang bansa dala ang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang pamilyang naiwan nila sa Pilipinas.
Pinili nilang mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay upang pagdating ng panahon ay masaya silang magsasama at pagsasaluhan ang bunga ng lahat ng kanilang mga sakripisyo.
Hindi kailan man kasama sa mga plano ang pagkakaroon ng kaso sa banyagang lupain dahil kapag ganun ang nangyari, sira lahat ang mga nabuong pangarap para sa sarili at sa pamilya.
TUMATAKBONG lumapit si Migs kay Patty.
“Patty!”
“Migs, ano’ng balita?” kinakabahang tanong ni Patty.
Malungkot ang mukha ni Migs.
Hindi na kailangang magsalita ng binata. Tila nahulaan na ni Patty ang sasabihin nito.
Hindi namalayan ni Patty na naglandas na ang luha mula sa kanyang mga mata patungo sa kanyang mga pisngi.
DALAWANG araw mula ngayon ay darating na sa Pilipinas si Nina. Uuwi na siya. Ang kaibahan nga lang, walang masasayang mukhang sasalubong sa kanyang pagdating. Wala rin ang nakahahawang mga ngiti ni Nina na babati sa mga taong mag-aabang sa kanya sa airport. Uuwi siyang wala man lang ni isang salita na mamumutawi sa kanyang mga labi.
Tapos na ang paghihirap ni Nina sa loob ng kulungan.
Uuwi na nga ang best friend ni Patty. Darating na si Nina… na payapang nakahimlay sa isang malaking kahon. Wala nang buhay.
Uuwi siyang sira ang lahat ng kanyang mga pangarap.
Uuwi siyang bigo at talunan.
Uuwi siya nang hindi man lang nakakamit ang hustisyang dapat na ibinigay sa kanya…
The End

