Until The Last Harvest (TWL #2)
VricEN · 2 chapters · 2,330 words
THOSE WHO LAST
THOSE WHO LASTS
is a collaboration between
Elyjindria × VricEN
, a series about ordinary men who endure extraordinary hardships.
Each story explores different forms of struggle-work, poverty, loneliness, loss, and love. Life changes, people leave, and everything eventually passes, but some choose to remain.
Because in the end, this series is about the people, the moments, and the love that lasts.
THOSE WHO LAST
Book 1: Built to Last by Elyjindria
Book 2: Until The Last Harvest by VricEN
Book 3: Caught At Last by Elyjindria
Book 4: The Last Passenger by VricEN
CHARACTERS
Art by Bradley Loserr
chapter 1
Samson Alvarez
Year 2010
Tumatanda na ako.
Hindi ko na alam kung hanggang kailan kakayanin ng katawan ko ang ganitong pamumuhay. Lilipas ang ilang taon, at baka isang araw, nakahimlay na lang ako sa ilalim ng lupa-anim na talampakan ang lalim, kasama ng mga alaala ng buhay na ginugol ko sa bukid.
Napabuntong-hininga ako.
Limampung taon na akong nabubuhay, at halos lahat ng iyon ay ginugol ko rito. Nagpakahirap ako para mapanatili ang bukirin-mula sa pagtatanim at pag-aani ng mga pananim hanggang sa pag-aalaga sa mga baboy, manok, baka, at iba pang hayop na umaasa sa akin.
Wala akong ibang kayamanan kundi ang lupang ito.
At sa totoo lang, sapat na iyon sa akin.
Ni hindi nga ako nakapag-asawa.
Matapos maligo, lumabas ako ng banyo habang pinupunasan ang basa kong buhok gamit ang tuwalya. Boxer shorts lamang ang suot ko habang naglalakad patungo sa kwarto.
Alas-kuwatro na ng hapon.
Katatapos ko lang pakainin ang mga baboy kanina, at kahit pagod na ang katawan ko, marami pa rin akong kailangang gawin bago tuluyang matapos ang araw.
Huminto ako sa harap ng malaking salamin.
Doon ko muling nakita ang sarili ko.
Napatingin ako nang matagal.
Hindi na tulad noon ang mukha ko.
May mga hibla na ng puti sa buhok kong dati ay puro itim. Mas makapal na rin ang balbas ko, at halatang ilang araw ko na itong hindi naaayos. Ang balat ko ay tinamaan na rin ng araw sa loob ng maraming taon. Magaspang, maitim sa ilang bahagi, at bakas na bakas ang buhay na pinili ko.
Napatingin ako sa katawan ko.
Malaki at matipuno pa rin ang pangangatawan ko, bunga ng mga taong ginugol ko sa pagbubuhat ng mga sako ng pataba, pagputol ng kahoy, pag-aayos ng mga bakod, pagbubuhat ng ani, at kung anu-ano pang mabibigat na trabaho sa bukid.
May mga tauhan naman ako.
Hindi ko ginagawa ang lahat nang mag-isa.
Pero may mga gawain na kahit may mga nagtatrabaho para sa akin, gusto kong ako mismo ang gumagawa. Sanay na kasi ako. Pakiramdam ko, kapag ipinasa ko ang lahat sa iba, parang wala na akong silbi rito.
Ilang galos at peklat ang nakikita ko sa katawan ko.
May mga bakas mula sa pagkakarpintero. May mga sugat na iniwan ng mga hayop na minsang naging agresibo. May mga peklat din mula sa mga kagamitang hindi ko sinasadyang nagamit sa sarili ko.
Napabuntong-hininga ako bago napatingin sa dibdib kong mabalahibo hanggang sa tiyan. Kumunot ang noo ko nang mapansin ko kung gaano na kakapal ang buhok sa katawan ko.
“Kailangan ko na yatang bumili ng pang-ahit.” Napailing ako sa sarili ko.
Matapos magpatuyo ng buhok, nagsuot na ako ng lumang T-shirt at pantalon. Kinuha ko ang pitaka ko at sinilip ang refrigerator bago umalis ng bahay.
Halos paubos na ang ilang sahog sa ulam.
“Bibili na lang ako sa bayan,” bulong ko habang sinusulat sa isip ang mga kailangan.
Paglabas ko ng bahay, sinalubong ako ng pamilyar na amoy ng lupa at damuhan. Mahangin na nang bahagya dahil papalubog na ang araw. Sa malayo, maririnig ang mga hayop sa bukid at ang ilang kaluskos mula sa mga taong nagliligpit ng kanilang mga gamit.
Habang naglalakad ako patungo sa bayan, may ilang taong nakakasalubong na agad akong binabati.
“Magandang hapon, Mang-”
“Magandang hapon din,” tipid kong sagot.
Sanay na ako sa ganoon.
Halos lahat dito ay kilala ako.
Matagal na akong nakatira sa lugar na ito, kaya hindi na nakapagtataka kung minsan ay may mga taong bigla na lamang kumakausap sa akin kahit wala naman akong ginagawa.
Minsan nga, may ilang matatandang babae sa bayan na nagbibiro pa tungkol sa pagpapakasal sa akin.
“Mag-isa ka na naman? Kailan ka ba mag-aasawa?”
“Kapag may lumapit na gustong mag-alaga sa isang matandang magsasaka,” Pagpapatawa ko pero kung susumahin ay wala akong nararamdaman kapag may nagtatanong sa akin tungkol sa ganoong bagay.
Limampung taon na ako. Hindi naman ibig sabihin na wala na akong puwang para magmahal, pero hindi na iyon ang hinahanap ko sa buhay.
Kung tutuusin, kuntento na ako.
Kapag umabot ako ng pitumpu, plano kong tuluyan nang magretiro. May sapat akong ipon para mabuhay nang maayos. Hindi man ako mayaman sa pera, sapat naman ang kinikita ng bukid para hindi ako mangamba sa kinabukasan.
Ako ang panganay sa aming magkakapatid, kaya sa akin napunta ang malaking bahagi ng lupang minana namin.
Noong bata pa kami, pare-pareho kaming nangangarap tungkol sa bukid.
Pero habang lumalaki kami, nagbago ang mga pangarap nila.
Isa-isa silang umalis.
May nagtrabaho sa lungsod. May nag-asawa. May bumuo ng sariling pamilya. May piniling mamuhay nang malayo rito.
Hindi ko sila masisisi.
Sa panahon ngayon, kakaunti na lang ang taong gugustuhing mamuhay nang ganito.
Gigising nang madaling-araw.
Magbubungkal ng lupa.
Magpapakain ng mga hayop.
Magbubuhat ng mabibigat na bagay.
Uuwi nang pagod at amoy araw, lupa, at pawis.
Para sa karamihan, mahirap ang ganitong buhay.
Para sa akin, ito ang naging tahanan ko.
Hindi naman kami nagkakalayo ng loob kahit magkakaiba na kami ng buhay. Madalas pa rin kaming mag-usap. Binibisita nila ako kapag may libreng oras sila, at kung minsan ay isinasama nila ang kanilang mga asawa at mga anak.
Masaya ako kapag nakikita ko silang kumpleto.
Nakikita kong masaya sila sa mga buhay na pinili nila.
At ipinagmamalaki ko sila.
Kaya hindi ko rin alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng kakaibang lungkot nang gabing iyon.
Habang naglalakad ako sa pamilyar na kalsada patungo sa bayan, muli akong napabuntong-hininga.
Sa limampung taon ng buhay ko, halos lahat ay may kasama akong gumagawa ng mga bagay na kailangan kong gawin.
Mga kapatid.
Mga kamag-anak.
Mga manggagawa.
Mga kapitbahay.
Pero ngayon, habang isa-isa silang nagkaroon ng sariling mundo, saka ko lamang napagtanto-
Ako na lang pala ang naiwan…
At sa unang pagkakataon, hindi ko alam kung hanggang kailan ko kayang magpanggap na hindi iyon nakakalungkot.
Bumalik ako sa ulirat nang marinig ang kumakalansing na makina sa likuran. Tunog pa lang ay alam ko na kung sino.
Siya lang naman ang may tricycle na kung umugong ay akala mo galing bangketa dahil sa pinaglumaan.
“Magandang hapon, kuya Samson!” Paglingon ko ay tumambad sa akin ang kaibiga kong si Benjamin.
Tawag sa kanya ng lahat ay Jabol, nahuli kasi ang batang ‘to na may ginagawang kababalaghan noon sa may damuhan.
Ngiting-ngiti itong tumigil sa tabi ko. Hindi ko mapigilang hindi mapatingin sa makintab na ulo niyang kumikinang.
“Tinitingin-tingin mo?” Ngumuso pa ang loko habang hinihimas ang ulo. Hindi ko naman napagilang hindi mapataas ang kilay.
Lokong batang ‘to… kung makasagot sa mas matanda sa kanya.
“Pag-untugin ko kayo ni Estong.”
Si Estong ang isa sa kaibigan namin na siguradong nasa construction site ngayon, makalbo rin, sadyang sakanya lang yung sagad sa anit.
Mas lalong napanguso si gago at sinabayan ang paglalakad ko sa pagmamaneho niya ng mabagal. “Saan ka, ‘ya?”
“Palengke,” Tipid kong sagot.
“Anong gagawin mo dun?”
“Bibili.”
“Ng?”
“Pagkain.”
“Pagkain? Katayin mo na lang yung manok ninyo, ‘ya. Pagkain din ‘yon.”
“Tarantado, ikaw katayin ko.” Imbis na matakot, tumawa lang ang loko.
Ganoon talaga si Benjamin. Kahit gaano ko siya sawayin, hindi nauubusan ng sasabihin. Kung minsan, naiisip ko kung saan niya kinukuha ang lakas para magsalita nang ganoon karami araw-araw.
“Sumakay ka na, kuya Samson. Mainit.” Tumingin ako sa langit.
Hindi naman ganoon kainit.
Pero dahil ayaw ko nang makipagtalo sa kanya, sumakay na rin ako sa likod ng tricycle.
“Bayaran mo’ko, ah?” Biro niya kaya nangunot noo ko.
“Ikaw ang nag-aya,” Walang emosyon kong depensa.
“Luh! Walang libre ngayon, kuya. Naghahanap buhay ‘yong tao, oh!” Makahulugan niyang anas bago tumawa.
Hindi na lang ako umimik. Hindi ko naman masisisi ang bata, sa hirap ng buhay ngayon, kahit ang pamamasada niya sa araw-araw ay hindi siya madadala kung saan.
Pinagmasdan ko ang tanawin na pamilyar sa akin.
Patuloy pa rin sa pagsasalita ang nasa tabi ko na halos hindi ko na maintindihan dahil sa tunog ng makina at tambutso.
“Ayaw mo bang palitan ng bago ‘tong sasakyan mo? Mas nakakairita na tunog kaysa sa’yo.”
Agad naman siya gumawa ng ingay na akala mong inunsulto ko ang buong pagkatao. “Luh, huwag mong gan’yanin ang tricycle ko, ‘ya. Kahit nga sa bigat mo kaya pa ring umandar-aray!”
Isang kaltok ang binigay ko.
Loko talaga. Mas yupi pa tabas ng dila kaysa sa makina.
Ilang minuto rin ang lumipas bago kami tuluyang makarating sa bayan.
Pagkababa ko ay boses na agad ng loko ang umalingawngaw, “Hoy, bayad mo!” Nagtinginan tuloy ang mga nadaan sa gawi namin.
Winasiwas ko ang kamay ko at hindi siya tiningnan. “Bibigyan na lang kita ng bigas.”
“‘yun oh! Paldo!”
Dare-daretsyo akong tumungo sa palengke at hinanap ang mga dapat bilhin.
May mga bumabati sa akin na agad ko namang tinatanguan. Kadalasan kasi ay sa akin sila bumibili kaya naman kilala ako sa lugar namin dito.
“Pwede bang magtanong, boss?”
Nang lingunin ko ang malalim na boses ay tumambad sa akin ang halos kalakihan kong matandang lalaki - kung susumahin ay mukhang matanda siya sa akin ng ka-onti.
Napatingin ako bag na dala neto, tanda na hindi taga-rito dahil sa laki noon. Mabalbas din siya, pero kung ikukumpara sa akin ay mas kahabaan at malago ang kan’ya.
“Ano ‘yon?” Dun ko ‘to hinarap.
“Saan pwedeng sumakay papuntang sa palayan ng mga Alvarez?”
Napakurap ako. Sa amin ‘yon.
“Ako ang may-ari, bakit?”
Sumilay ang liwanag sa kanyang mukha nang sabihin ko ‘yon. “Pwede bang makisabay? Malapit kasi roon ang bahay namin.”
Tinanguan ko ‘to. Nang ibigay sa akin ng tindera ang pinamili ko ay saka na ako nagbayad. Sinenyasan ko ‘tong sumama sa akin, agad naman siyang sumunod.
Dahil sa aming laki ay lahat nang mga dumadaan ay umuusod o hindi kaya napapaantras, halos sakupin na kasi namin ang maliit na kalsada sa loob ng Palengke.
Walang nagsalita, pero ramdam ko ang mga mata niyang nakatitig. Pero siya naman etong unang nagbukas ng bibig, “Ilang taon ka na?”
Lihim naman akong napatingin sa kan’yang gawi, “Cincuenta.”
Napatango-tango naman ‘to, habang hinihimas ang balbas na animo’y may iniisip, “Mas matanda ako sa’yo ng dalawang taon. Ikaw nga ‘yon, panganay ka sa magkapatid na Alvarez, ‘di ba?”
Tumango ako. Pinagkatitigan ko lang siya sa gilid, may lihim na pagtataka, dahil hindi ko man lang siya namumukaan o nakikilala.
“Tagal na rin simula noon. Sa lungsod kasi ako nanirahan at nag-aral nung High School kaya paniguradong hindi mo’ko naaalala.”
Ah… kaya pala.
“Anong ginagawa mo rito?” Kalmado kong tanong.
Rinig ko siyang bumuntong hininga. “Maninirahan, sa akin kasi ibinigay yung naiwang lupa at negosyo. Hindi ko naman pu-puwedeng bitawan, sayang.”
Kusang tumaas ang kilay ko sa narinig. Wala naman akong nakikitang kalungkutan sa mukha niya, pero kita ko ang pagod. Pagod saan?
Napabuntong-hininga ako.
Isa na namang taga-lungsod ang susubok mamuhay dito.
Hindi naman sa minamaliit ko sila. Pero marami na akong nakitang pumunta dito na puro reklamo ang inabot. Mainit. Maraming insekto. Mahina ang signal. Madalas mawalan ng kuryente. Maalikabok ang kalsada. At higit sa lahat, walang mga bagay na nakasanayan nila sa lungsod.
Wala na si Benjamin nang makarating kami sa sakayan. Tinawag ko ang isang tricycle boy na mukhang natakot pa dahil sa isasakay.
“Dun sa amin,” Ani ko. Ako ang sumakay sa likod at siya naman ang sa loob.
Tahimik ang biyahe hanggang sa makarating kami sa harapan ng bahay. Binayaran ko ang bata at hinarap ang kasama ko.
“Magkano ang pamasahe? Magbabayad ako-”
“Hindi na,” Iling ko. “Mauna na ako.”
Hindi ko na siya inantay pa na magsalita at dare-daretsyo na akong pumasok nang bahay. Pagod kong nilagay ang mga pinamili sa kusina bago kumuha ng alak sa ref at walang sabi-sabing tinungga ‘yon.
Wala na akong naririnig. Minsan, maririnig ko ang mga hayop sa labas. Minsan naman ay ang hangin na dumadaan sa mga dahon ng puno. Pero kakaiba ngayon…
Hindi ko maiwasang hindi pagmasdan ang kabuuan ng bahay.
Sobrang… tahimik.
𓅰 𓅬 𓅭 𓅮 𓅯
“Arghh…” Ungol ko nang marinig ang tilaok ng mga manok.
Napatingin ako sa orasan. Alas-kwartro na ng madaling araw. Tumayo ako at nagsimula nang pakainin ang mga hayop.
Ganito naman lagi. Parang automatic na ang katawan ko sa nakasanayan na ginagawa.
Gigising.
Papakainin ang mga hayop.
Kakain.
Titingnan ang tanim.
Ayusin ang dapat ayusin.
Maliligo.
Mag-iinom.
Tapos matutulog.
Matapos ang pagpapakain ay tumungo ako sa pandesalan sa Bayan kung saan ako lagi namimili ng tinapay.
Nagbabakasakali na bukas na sila. Ilang araw na rin kasing sarado ang bakery ni Manang Rosing, kaya ilang araw na rin na hindi ko natitikman ang bagong lutong pandesal ng matanda.
Pero kung sarado, daretsyo na lang ako sa Karenderya nila Jomar.
Puwede ko namang gamitin yung truck ko, kaso sayang sa gas. Nasanay na rin akong maglakad, para naman masanay ang katawan ko na hindi lang puro trabaho.
Nang makita na bukas ‘yon at may mga taong bumibilii ay mabilis akong tumungo at nakisiksk.
Imbis na maliit na matandang babae ang nakita ko ay tumambad sa akin yung lalaki kahapon.
Napakurap ako.
Kumpara kahapon, hindi ko masyadong tinitingnan ang kabuuan niya, pero ngayong umaga ay kitang-kita ko ng malinaw ang itsura niya ulo hanggang paa.
Bukod sa ngiti ay mas maayos siyang tingnan ngayon sa suot niyang simpleng damit at apron na may kahapitan dahil sa laki niyang tao…
Nang magtama ang mata namin ay matamis ako netong nginitian. “Ikaw pala, sakto at bagong gawa ang tinapay, mainit-init pa.”
Napa kurap ako. Bakit parang nagliliwanag siya sa paningin ko.

