When the Sun Stayed | Nang Manatili ang Araw
akosimarl · 53 chapters · 96,935 words
When The Sun Stayed
Disclaimer:
This story is a work of fiction. All names, characters, places, and incidents are used fictitiously. Any resemblance to actual persons, events, businesses, or locales is purely coincidental and unintended.
When the Sun Stayed
contains themes inspired by the culture and traditions of the Cordillera region, particularly the Ifugao people, including references to the mumbaki (shaman), prayers, and chants. The author conducted research to portray these respectfully, though some inaccuracies or misconceptions may still occur as this remains a fictional work.
Ang kuwentong ito ay naglalaman din ng tema ng pagmamahalan ng dalawang taong magkaparehas ng kasarian.
Book cover art by ela_starling02
2026 akosimarl story
Simula
C O R D I L L E R A
Madilim ang paligid. Tanging buwan ang nagsisilbing liwanag. Pagod na pagod, hingal na hingal sa mabilis na pagtakbo sa madilim na kagubatan. Mistula walang katapusan ang pagtakas sa sariling sinilangan.
‘Di ko na mabilang kung ilang oras na ba ang ginagawa kong pagtakbo, ang tanging hangad ko lamang ay maligtas sa isang gulo na hindi ko naman ginusto.
Ang mga matataas na puno ay mistulang anino sa dilim, imbis na kinakain ng katahimikan ang lugar na ito ay malalakas na sigawayan, iyakan, at sunod-sunod na putok ng baril ang umaalingawngaw sa malalim na gabi.
“Takbo!”
“Huwag kayong tumigil…”
“Sa amin ang lupang…”
Sunod-sunod ang mga sigaw na hindi ko na makilala, patuloy ako sa mabilis na pagtakbo.
Naghahalo na ang aking mga luha, pawis, at dugo sa katawan, gusto ko nang matapos ito.
Nabibingi na ako sa patuloy na pagputok ng malakas na baril.
Sa patuloy kong pagtakas ay doon ko nararamdaman na tila bumabagal na ang aking pagtakbo nang makarinig ako ng malakas na sigaw.
“Hindi…kumapit ka!”
Tumigil ang lahat.
“…It was auctioned in Paris for six hundred thirty thousand euros,” isang boses na parang lumulutang sa ulap. “…or about thirty-six million pesos.”
Unti-unting luminaw ang paligid. Naglaho ang dilim at liwanag ng buwan, napalitan ng puting fluorescent lights ng silid.
Nakahawak na pala ako sa mesa habang naghahabol ng hininga.
“It was later discovered that the piece came from the collection of Henry Otley Beyer…”
Nasa loob na ako ng silid. Nagsisimula pa lang ang klase, pero ang dibdib ko, kumakabog pa rin na parang may patuloy na humahabol sa akin.
“Father of Philippine Anthropology,” rinig kong tugon ng buong klase.
Nasa harapan ang aming propesor, masigasig niyang inilalahad ang mga impormasyon tungkol sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon sa Pilipinas.
Samantalang ako, pilit na ibinabalik ang sarili sa reyalidad, sa aking ulirat.
Diretso ang aking tingin sa harapan, nakikinig kunwari, habang pinapakiramdaman ko ang isang pamilyar na presensyang hubog ng katawan na nasa likuran ng silid.
Alam kong nakatingin iyon sa akin. Ramdam ko.
Hindi ko na sinubukang lingunin. Wala rin naman akong makikita dahil malabo ang kanyang mukha, walang anyo, walang emosyong maaaninag.
Para bang isang anino. O marahil isang espiritung matagal nang sumusunod, tahimik na nagmamasid sa bawat hakbang ko.
Ilang taon na rin siyang sumusunod, kasing tagal ng mga malalabong panaginip na aking nararanasan.
Walang ibang nakakakita, tanging ako lang. Tanging sarili ko lamang ang nakakaalam.
Sabi din sakin ng lola ko na isang albularyo sa Batangas ay bukas raw ang third eye ko, nagbukas ‘to nung elementary ako, kaya sanay na akong makakita ng kung ano-anong espiritu sa school namin dati.
Kahit ngayon ay may nakikita akong hindi nila nakikita, isang batang umiiyak sa ilalim ng lamesa ni prof, estudyanteng nakaupo sa upuan na hindi naman namin kaklase, may ilang mga sumisilip sa bintana na para bang gustong pumasok.
Hindi ko nalang sila pinapansin dahil ang tanging habilin lang ni lola ay ‘wag kong susubukang kausapin o susubukang lingunin.
Mula noon ay wala naman silang ginagawang masama sa akin, tanging siya lang talaga ang nagtatagal na sumusunod na para bang anino ko na araw-araw.
“Correct. He is the one who established the Department of Anthropology at the University of the Philippines in Nineteen-Fourteen.”
“It is said that the number of Bulul in Ifugao started to decrease during the American Period. As the Bulul slowly disappeared, their cultural importance also began to fade,” dagdag pa nito.
Tango ng pagsang-ayon ang sinasagot ng buong klase. Taimtim at diretso na ang aking tingin sa harapan.
“But the real question here is, kumusta na ba ang kultura ng mga katutubo sa Cordillera?” wika pa nito, doon namin nakitang kinuha niyang muli ang fishbowl na naglalaman ng aming mga pangalan.
“And the chosen researchers for the region of Cordillera is…” nakangiti nitong wika at doon siya bumunot ng dalawang puting nakatiklop na papel. Ramdam ko ang kaba at excitement ng aking mga kaklase na nagnanais na mabunot o hindi mabunot para sa lugar na nabanggit.
“Congratulations and good luck for your Cordillera adventure, Yuhi Cali Hoshino and Ghon Montenegro,” banggit ng propesor.
Palakpakan ang umalingawngaw sa buong silid aralan, marahan akong tumayo sa aking kinauupuan at doon binaybay ang daan papunta sa harapan dahil nabanggit ang aking pangalan.
“Good luck, Hoshino. I believe in you and I’m sure you’ll do great. I know you’ll give justice to this study,” pagbati sa akin ni Professor Aldrin. Wala akong nasambit kung ‘di ngumiti nalang sa sinabi niya.
Sa oras na ito, kaba ang nararamdaman ko, hindi dahil sa takot, kundi sa pangamba sa magiging buhay na naghihintay sa amin doon.
Ito na ang huling requirements bago kami makapagtapos sa kursong BA Anthropology. Ngunit hindi lang ito basta papel at lapis na thesis. Simulasyon, obserbasyon, at malalim na komprehensyon sa mga tao at sa kanilang kapaligiran.
Isasagawa namin ang isang ethnographic research, kung saan aming pag-aaralan kung paano namumuhay ang mga tao sa isang partikular na lugar, ang kanilang kultura, tradisyon, at paraan ng pakikisalamuha sa isa’t isa.
Sa prosesong ito, hindi lang namin mauunawaan ang iba, kundi pati na rin ang aming sarili bilang mga mag-aaral at bilang isang bahagi ng lipunan.
“Cali.” Pagtawag sa akin ni Ghon. “Good luck to us,” siya ang makakasama ko sa Cordillera.
“Sir!” isang pamilyar na hiyaw ang sumabay sa palakpakan dito sa loob ng silid, “I volunteer Sir! Sa Cordillera na rin po ako! I volunteer as tribute,” nakalolokong dagdag pa nito.
“Reason, why Mister Angeles?” tanong nito sa kanya.
“Sa Ifugao po ang probinsya namin, Sir. Kung meron mang tao ang mas nakakaalam sa lugar na ‘yon na tiyak makakatulong sa thesis na ‘to ay malugod po akong tutulong sa kanilang dalawa. Kaya po sana ay isama niyo ako sa grupo nila…” bumaling siya ng tingin sa akin.
“…saka para mabantayan ko rin po si Cali,” wikang biro ni Amir, kumindat pa ito sa akin na tila nang-aasar.
Mapang-asar na hiyawan naman ang naging tugon ng buong klase,
“Kanino mapupunta ang slot mo?” wika ni Sir.
Napakamot naman ito ng ulo at doon tila may hinahanap, “Kay Axel, Sir. Opo, kay Axel. Diba pre, pangarap mong pumunta sa Cebu,” tila pamimilit na turan ni Amir bago ito dali-daling pumunta sa unahan.
“Akala ko gusto mo sa Cebu?” tanong ko sa kanya.
“Kung kasama ka, alam mo naman na ‘di kita kayang iwan. Ano pang mangyari sa ‘yo eh,” dagdag pa nitong pang-aasar sa akin.
“All cleared, we have Hoshino, Montenegro, and Angeles for Cordillera. Let’s proceed for the next researchers.”
Bago pa kami umalis sa harapan ng silid, ay doon umagaw ng pansin ang nakatayong hubog ng katawan, na malabo ang mukha sa likuran. Sinusubukan kong iwasan at huwag bigyan ng pansin ang aninong ito, ngunit sa ilang taon na pagsunod niya sa akin ay kabisado ko na ang itsura ng suot-suot nitong damit.
Madilim na berde ang kulay ng suot niyang pang sundalong uniporme, tila kupas na sa paglipas ng panahon, bakas ang katandaan at hirap ng digmaan. Nakadikit sa tela ang putik, pinatuyo ng hangin ng kabundukan, at sa ilang bahagi’y may mantsa ng dugo, hindi na matingkad kundi naninikit na parang alaala ng mga labanang dinaanan.
“Sinong tinitingnan mo?” utas ni Amir sa gilid.
—
“Okay na okay na po Tita Daisy. Natawagan ko na sila Tita Lola at si Bossing, pumayag naman po sila na maging host family para sa thesis. Doon na rin po kami magtitigil sa kanila…”
“…wag po kayong mag-alala Tita, basta kapag ako ang kasama ni Cali ay safe po siya, promise po yan,” ang wika ni Amir kay Mama na nasa kabilang linya ng telepono, naka video call ito.
Kasalukuyan kaming nakasakay sa sasakyan ni Ghon, nag volunteer itong gamitin ang kotse niya.
Nasa passenger seat si Amir, ako ay nandito sa backseat katabi ang mga gamit namin, habang patuloy naman sa pagmamaneho ang may-ari ng sasakyan.
Alas nuebe na ng gabi, binabaybay namin ngayon ang daan papunta sa condo ni Ghon pa-norte na dalawang oras din ang layo mula sa Manila. Doon muna kami magpapalipas ng gabi, dahil napagdesisyunan naming alas-tres ng madaling araw umalis para iwas na rin sa traffic.
May choice naman kaming sumakay sa eroplano, pero baka raw mauna pang matapos si Amir sa thesis dahil sa takot sa heights, makakatipid din kasi kami kung itong sasakyan ni Ghon ang gagamitin.
“Mabuti naman kung ganoon, basta palagi kayong mag-iingat. Sabihan mo ako agad kung anong kailangan ng mga Tita mo para maibigay ko agad.” Tugon naman ni Mama, muling binalik sa akin ni Amir ang telepono.
“Mga habilin ko nak ha,” wika nito sa akin. “Isang buwan kayo doon, mag dodoble ingat. Tiwala naman ako kay Amir,” dagdag pa nito.
“Opo, Ma.” Tanging tugon ko sa kanya.
Sa Ifugao, kung saan ang probinsya ni Amir. Matalik kaming magkaibigan ng lalaking ito, sa katunayan ay siya lang ang kaibigan ko.
Kapitbahay namin sila doon sa subdivision sa Antipolo, magkaibang-magkaiba kami ng interest sa buhay, sporty siyang tao kaya palaging maasim ang katawan. Kung sa quadrangle at covered court mo siya palaging makikita sa university, ay tiyak sa library mo naman ako matatagpuan.
Hindi naman ako mahirap lapitan, sadyang pinipili ko lang talaga ang katahimikan.
Ang totoo ay hindi talaga ako lumalabas ng bahay, tanging si Kuya Noah, si Mama, at Amir lang ang mga taong umiikot sa buhay ko.
“Sabi ng Kuya Noah mo, hindi ka na naman daw nakatulog?” pagtatanong ni Mama sa tono ng pag-aalala.
Nasa Japan kasi ito, siya ang nagpatuloy ng winery business na iniwan ni Papa.
May dugong hapon kami ni Kuya, pero sa Pilipinas kami lumaking dalawa. Simula noong namatay si Papa ay mas pinili naming manirahan ni Kuya sa Pilipinas, dinadalaw naman namin si Mama tuwing bakasyon at Pasko.
“Dinadalaw ka parin ba ng mga panaginip mo?” dagdag pa nito.
Mula pa noong elementary ako ay sanay na sanay na akong makakita ng iba’t-ibang espiritu, ngunit siya ay kakaiba.
Dalawang taon na.
Dalawang taon na rin simula ng mag twenty-one ako.
Dalawang taon nang sinusundan ng isang anino at simula noon ay gabi-gabi na rin akong dinadalaw ng mga boses sa panaginip ko.
Mga boses na tila ay may istoryang nakatago rito. Sa mga unang taon ay boses lang ang naririnig ko, ngunit nitong mga nagdaang buwan ay tila may naaaninag na akong larawan. Mga larawan na tila ay may gustong sabihin sa akin.
“Baka makatulong ang Cordillera sa ‘yo, nak.” Makabuluhang wika nito sa akin, ngumiti nalang ako bilang tugon.
“O siya sige na, tatawag nalang ulit ako mamaya. Mag-ingat kayo sa byahe ha,” segunda nito bago niya patayin ang tawag.
“I have melatonin gummies, Cali. Maybe it can help.” Basag wika ni Ghon sa harapan.
“May pag kachismoso ka rin ‘no?” untag naman ni Amir.
“I’m just helping.” Tugon nito sa kanya.
“Tsk..helping” tila asar na wika pa ni Amir.
“Thank you, Ghon.” Wika ko naman sa kanya.
Umayos ako ng upo sa pwestong komportable at iginayak ang aking sarili sa panonood ng mga sasakyang nadadaanan namin.
Madilim na sa labas at tanging mga ilaw mula sa gusali at sasakyan ang nagsisilbing liwanag. Idagdag mo pa ang bilog na bilog na buwan na tanaw mula sa aking kinauupuan.
Nasa komportable akong pwesto nang doon binasag ng radyo ang katahimikan.
“Mga kabombo! Alas nuebe na ng gabi, ngayong ika-tatlo ng Hulyo, dalawang libo’t dalawampu’t anim. Hatid sa inyo ng jumbo juicy hotdog.” Ang wika ng babae sa matinis na pananalita.
“Alam niyo mga kabombo, bago matapos ang araw na ito, gusto kong ibahagi ang isang mabilis na kuwento na muling pumasok sa isipan ko.”
“Nagkuwento kasi ang lolo ng bestfriend ko, na isang sundalo noong panahon ng pananakop ng mga hapon.”
“Tuwing ika-siyam ng Abril, ginugunita natin ang Araw ng Kagitingan bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga sundalong lumaban sa Bataan noong taong isang libo siyam na raan at apatnapu’t dalawa…”
“…na sa kabila ng gutom, pagod, at hirap ng Death March, hindi nila tinalikuran ang dangal at tapang para sa bayan. Nawa’y magsilbi itong paalala na ang ating kalayaan ay bunga ng kanilang sakripisyo. Tulad ng lolo ng bestfriend ko…”
“…mula sa Bombo Radyo - Basta Radyo, Bombo! Huwag nating kalimutan, ang kagitingan nila ay ating inspirasyon!”
Napabuntong hininga na lamang ako at doon hinawak-hawakan ang bracelet na bigay sa akin ni Papa.
“Cordillera.” Bulong ko na lamang sa hangin.
Bago ko pa ipikit ang aking mata, doon ko muling naaninag ang hubog ng katawan sa daan na tila pati sa gagawin naming pag-aaral ay hindi niya ako iiwanan.
Kumusta? Ang pag-pagiiwan mo ng komento sa kabanatang ito ay malaki nang pasasalamat bilang pagsuporta sa istroyang ito. Nais kong marinig ang inyong mga komento. Ingat!
Kabanata 1
C H A Y A
Kasalukuyan na naming ibinababa ni Ghon ang mga gamit. Nandito kami sa Mayoyao Public Market, dito sa Bayan ng Mayoyao, Ifugao, Cordillera.
Isa sa labing isang munisipalidad ng Ifugao ang Mayoyao, kalapit nitong bayan na ‘to ang Banaue.
Isang itim na maleta at backpack lang ang dala ko. Ganoon din si Ghon, samantalang backpack lang ang nakita kong bitbit ni Amir.
Tirik na tirik ang araw dahil katanghaliang tapat na nang makarating kami. Hindi ko ramdam ang init ng araw, dahil sa presko at tila galing ref ang simoy ng hangin. Tamang-tama lang sa suot kong white-blue stripe na short sleeved at black pants.
Inabot ng mahigit labing-apat na oras ang aming naging biyahe.
Iiwan na namin dito sa bakanteng lote ang sasakyan ni Ghon, dahil tanging motor at tricycle lang ang makakadaan papunta doon sa Barangay Chaya kung saan kami magtitigil.
Si Amir ngayon ay kasalukuyang kumakausap ng tricycle driver na mag hahatid sa amin.
“Their team lost to ours in a friendly basketball game. Maybe that’s why he’s acting like that,” aniya ni Ghon sa akin, tinanong ko kasi ito kung mag kaaway ba silang dalawa.
Tumango naman ako bilang pagsang-ayon habang patuloy sa pag aayos ng mga gamit.
Magkasing-tangkad din silang dalawa ni Amir, pareho silang sporty na tao. Parehas din silang kayumanggi ang kulay, alam mong sila yung varsity player at isang heart-throb ng school na pinipilahan para lang makapag-papicture. Ang kaibahan lang siguro ay may suot na salamin si Ghon na tila para siyang si Harry Potter.
“This is my first time talking to you for this long. Hindi kita madalas makita sa univ, I mean, classmates tayo, pero kapag may lecture lang tayo nagkikita,” dagdag pa niya.
“Sa library lang ako madalas tumambay,” tugon ko sa kanya.
“You, introvert?” utas pa nito habang inaayos niya ang kanyang camera, na tila sinisipat si Amir na papalapit na dito sa pwesto namin.
“Parang ganun na nga.” Tugon ko naman sa kanya, doon ko na isinara ang compartment ng sasakyan.
“Ilang taon na kayong magkaibigan ni Amir?” tanong pa nito habang patuloy na sinisipat si Amir sa kanyang camera.
‘Di naman mawari ang mukha ng lalaking papalapit sa amin, ‘tila pansin niyang pinagtitripan siya ng lalaking kalapit ko.
“Lumipat sila sa subdivision noong grade seven ako, siya ang unang naging kaibigan ko. Ten years na siguro,” sagot ko sa kanya.
“Trip mo ‘ko ‘no?” tila asar na wika ni Amir nang makalapit siya sa puwesto namin kasunod ang tinawag nitong tricycle, doon pa niya dinakma at tinakpan ang lens ng camera ni Ghon na ikinatawa naman ng lalaking ito.
“Tara na?” utas nito sa amin at pagtango ang sinagot ko sa kanya.
“Twenty minutes papunta at pataas sa Barangay Chaya, tapos lakad nalang tayo pataas kila Tita Lola, motor nalang kasi ang kasya doon eh. Naghihintay na sa atin sila Bossing, may ritwal na gagawin para sa atin.” Segunda naman niya.
“So the ritual is really true, it’s really interesting how the ritual will work.” Tugon naman ni Ghon, ginayak na namin ang aming sarili sa kulay pulang tricycle na mababa at punong-puno ng makulay na sticker.
“Umali ta? Hidi nan gamit yu?” wika ng driver na bumaba sa sasakyan.
“Wen, manong.” tugon ni Amir sa kanya.
Hindi ko man maintindihan ang lenggwahe ay alam kong tungkol ito sa mga gamit namin, dahil doon binuhat ng driver ang aming mga maleta at isinakay ito sa taas ng sasakyan.
“Mumbaki.” Pagbasa ko sa sticker na nakadikit sa unahang bahagi ng tricycle.
Bago pa tumapak ang aking mga paa rito sa Cordillera ay nakapanood na ako ng ilang mga dokumentaryo tungkol sa kultura at pamumuhay ng mga katutubo natin sa Ifugao.
Isa na rito ay ang ritwal sa mga bisita, sa ilang mga tradisyunal na barangay o sitio sa Ifugao, lalo na sa mga mas nakaugat pa rin sa kultura’t ritwal, may mga seremonyang pang-welcome na ginagawa bilang tanda ng paggalang at pagtanggap sa mga bisita na kung saan ay pinangungunahan ito ng tinatawag na Mumbaki.
“Ilang taon ka nung umalis kayo rito sa Ifugao?” untag ko kay Amir.
Kasalukyan kaming nakasakay rito sa loob ng tricycle habang nasa backride naman si Ghon na kasalukuyang kinukuhanan ng video ang aming nadadaanan.
“Ten years old. May magandang opportunity kasi si Papa sa Pasig kaya hindi na nila pinalagpas nilang dalawa ni Mama. Nag stay diba muna kami sa apartment, bago kami lumipat sa Antipolo…”
“…totoong trabaho talaga nilang dalawa ay pagsasaka rin, kung papipiliin ay hindi ko rin naman gustong umalis, masaya ako rito…”
“…naging masaya din naman ako nung lumipat kami, nakilala kita eh.” Tugon nito sa akin bago ako nito inakbayan.
“Yung Tita Lola na sinasabi mo, lola mo?” usisa ko pa sa kanya.
“Siya yung nanay ni mama, ninety plus na ‘yon pero malakas pa rin, kasama niya sa bahay si Lolo Edgar at parehas silang mumbaki.” Tugon niya sa akin.
“Si Tita Lola ay veteran, bata pa siya noon nung naabutan niya ang pagsakop ng mga Hapon sa Pilipinas.” Dagdag pa nito.
Tumango naman ako, “Eh yung Bossing na sinasabi mo?” muli kong usisa sa kanya.
“Ah…si Bossing? Isa rin siya sa mga matatandang Mumbaki, uugod-ugod na yon,” natatawa nitong wika. Wala naman akong nagawa kung ‘di ang tumango bilang pagsang-ayon.
“Sa mga Tita Lola mo ba tayo makikitulog?” utas ko pa sa kanya.
“Kila Bossing tayo, mas kailangan niya tayo roon. Para na rin matulungan natin siya at makabawi ako sa mga panahong wala ako sa tabi niya,” tugon nito sa akin.
Mapagbiro at pasaway si Amir, pero alam ko at ramdam kong mapagmahal at maalaga ito sa mga taong malapit sa kanya.
Hindi na ako umimik pa at doon na lang din bumaling ng tingin sa dinadaanan namin.
May itinuro sa akin si Amir kaya roon ko ito sinipat, “Yun ang Barangay Chaya. Kita mo?” wika niya habang tinatanaw ko ito.
Kung sa Maynila ay may matatanaw kang tila bundok ng mga gusali, ibang-iba naman ang tanawin dito sa itinuro sa akin ni Amir.
Isang napakalaking bundok ang bumungad sa akin, ngunit sa halip na bato o semento, mga palayan ang bumubuo rito na parang mga malalaking hagdang inukit mismo sa kabundukan.
Berdeng-berde ang mga palayan, na tila alon ng buhay na dahan-dahang umaakyat sa tuktok.
Doon ko nga natanaw ang binanggit ni Amir, ang Barangay Chaya.
Tila ito’y isang maliit na baryo na payapang nakahimlay sa gitna ng malawak na palayan. Ang mga bahay ay tila parte ng kalikasan, nakapaloob sa mga palay na kumikislap sa sinag ng araw.
Sa sandaling iyon, ramdam ko ang katahimikan at ganda ng lugar, ito ay isang tanawin na hindi mo matatagpuan sa lungsod, kung ‘di sa pusod ng kabundukan ng Ifugao.
“Mayoyao Rice Terraces, no wonder why UNESCO protected this place.” Wika ni Ghon na ngayon ay binibidyuhan ang nakakalaglag pangang ganda ng hagdang-hagdang palayan na nasa harapan namin matapos kaming bumaba sa tricycle.
Parehas din naming hawak ang aming mga maleta habang si Amir ay nakangiti sa gitna naming dalawa.
Nakabaling din ang aming tingin sa itaas na nasa gitnang bahagi ng palayan, ang Barangay Chaya.
“Tara na, naghihintay na sila,” masigla nitong aya sa amin.
“Saan tayo dadaan?” ang wika ko sa kanya habang nakatingala parin sa lugar kung saan kami mistula aakyat.
“Dito.” Untag niya at doon nito itinuro ang daang mas malapad pa ang dala-dala naming maleta, ito ata ang unang pagsubok naming kakaharapin.
Tila trail kung saan naghahati sa bawat palayan, ito ang daang dinadaanan ng mga magsasaka. Siguraduhin mong magaling kang magbalanse dahil kung hindi ay sa putik ang bagsak mo.
“May ibang daan naman sa likod, kaso baka gabihin tayo. Kaya dito nalang,” segunda naman nito.
Wala naman kaming ibang nagawa ni Ghon kung ‘di ang tumango, “Wag kayong mag-alala, hindi kayo mahuhulog. Akin na ‘yang mga maleta niyo, baka ‘di niyo natatanong ay nagtrabaho ako sa balancing circus,” biro nitong wika, at doon niya kinuha ang maleta ko.
“I can help myself.” Wika ni Ghon ng ambahan ni Amir na kuhanin ang maleta nito.
“Okay, sabi mo eh.” Tugon naman niya, “Tara na,” dagdag pa nito bago siya humarap at naglakad sa dadaanan namin.
Sa patuloy naming paglalakad paakyat ay halo-halo nang umaalingawngaw sa aking tenga ang iba’t-ibang tunog mula sa mga ibon, mga palay na tila umaalon at sumasabay sa agos ng hangin at ang mga instrumentong alam kong may umiindak sa bawat pag-tunog nito.
Patuloy lang kami sa pag-akyat, habang ramdam kong may nakasunod na anino sa likuran ko. Hindi ko na pinansin na para bang normal na ang lahat sa akin.
—
Isang tila kasiyahan ang bumungad sa aming harapan nang makatapak kami sa lupang patag na parte ng tinatawag nilang Barangay Chaya.
Maraming mga mata ang nakamasid sa amin, hindi matang mapang-husga kung ‘di mga matang mistula masayang naghihintay sa pagdating namin.
Kaming tatlo ngayon ay nakatigil sa aming pwesto at doon pinagmamasdang mabuti ang paligid.
Babae, lalaki, matatanda, binata, dalaga at mga batang nakasuot ng kulay pulang tela na masusing hinabi gamit ang tila espesyal na mga sinulid.
Hubad pang itaas ang mga kalalakihan na tanging pulang tela na bahag ang tumatakip sa kanilang kalalakihan, at nakatali sa kanilang uluhan ang tila bandana.
Samantalang ang mga kababaihan ay may suot na puting kamiseta na binagayan ng mahabang pulang tela na nagsisilbing palda.
Pansin ko rin sa mga matatandang lalaki na nandito ay ang kanilang mga tattoo sa katawan na daang-libong kwento ang nakatago rito.
Habang nakatayo parin kami rito sa gitna ay patuloy ang malakas na pagtugtog ng iba’t-ibang instrumento na tanging gong lang ang alam ko.
Sa bawat mabigat at mabagal na paghampas at pagtipa sa mga instrumento ay patuloy ang pag-indayog ng mga matatandang babae at lalaki kasama ang ilang mga binata na umiikot at sumasabay sa musikang ibinibigay ng mga may hawak ng instrumento.
Diretso lang ang aking tingin at mabuting pinagmamasdan ang bawat hakbang na kung saan ay mabigat ngunit kontrolado na pag-indayog, na mistulang inuulit ang ritmo ng lupa at hangin.
Itinataas at baba nila ang kanilang mga braso na para bang may inaaya silang hindi namin nakikita, at sa bawat pagyuko nila, para akong sinasama sa isang lumang kwento na ipinapasa mula sa mga ninuno.
Ramdam ko ang pag-uga ng lupa sa ilalim ng aking mga paa habang umiikot sila nang dahan-dahan.
Ang tunog ng gong ay parang humahaplos sa hangin, maingat at walang pagmamadali, walang pag-aalinlangan.
Pansin ko rin ang kanilang malalim na pagtititigan, na parang nakikipag-usap sa mga espiritu na hindi ko nakikita pero malinaw kong nararamdaman.
Sa sandaling iyon, hindi lang ako nanonood, para bang hinahatak ako ng ritwal, dinadala sa ritmo ng tradisyong mas matanda pa sa alinman sa amin.
“Hello.” Boses ng isang batang lalaki sa aking likuran ang bumasag sa aking pagmamasid, binalingan ko ito ng tingin at doon ako humarap sa kanya.
“This is for you,” wika nito at doon niya inaabot sa akin ang kulay rosas na gumamela.
Kukunin ko na ito sana sa kanyang kamay ngunit inalayo niya na tila ayaw ipakuha, napabaling naman ako ng tingin kay Amir na ngayon ay nakatingin din sa aming pwesto, samantalang si Ghon ay patuloy sa pagkuha ng bidyo.
Nakangiti naman sa akin si Amir at doon nito itinuro ang kanyang tenga na tila itinuturo sa akin kung anong gagawin ko sa bata.
Tumango naman ako bilang pagsang-ayon, muli akong bumaling ng tingin sa bata at doon umupo para mapantanyan ito.
Ngumiti ang bata, dahan-dahan niyang inilagay ang gumamela sa ibabaw ng aking kanang tenga. “You…you’re beautiful.” nahihiyang wika niya, nagulat nalang ako nang bigla itong tumakbo papaalis sa aming pwesto.
Dahan-dahan akong tumayo sa aking pagkakaupo, habang nakatingin sa batang tumatakbo papalayo, napabaling naman ako sa mga taong nasaksihan ang pangyayari, nakangiti sila na dahilan para ako’y makaramdam ng hiya, tumungo nalang ako sa kanila bilang respeto.
Wala na sa paningin ko ang bata kaya muli akong bumaling ng tingin kay Amir na ngayon ay nakangiti na parang aso.
“Ano?” singhal ko sa kanya.
“Wala,” mapang-asar niyang tugon.
“Nandoon sila Tita Lola,” segunda niya at doon nito itinuro ang agaw pansin na malaki at mataas na bahay kubo, tila dalawang pinagpatong na tao ang taas ng apat na matitibay na kahoy na nagsisilbing pundasyon.
Sa ilalim ng kubo ay may papag na gawa sa kawayan kung saan doon nakaupo ang tatlong tao, dalawang matandang lalaki at isang matandang babae.
“Tara.” Wika nito sa amin bago ito naglakad papunta sa kubo, wala kaming nagawa ni Ghon kung ‘di sumunod sa kanya.
Papalapit palang ay tanaw ko na ang sinasabi niyang Tita Lola na nakasuot din tulad ng suot ng mga kababaihan, nasa kanan niya ang isang matandang lalaki habang nasa likod nila ang isa pang matandang lalaki na baka iyon ang tinatawag niyang Bossing base sa deskripsyong ibinigay nito sa akin.
Parehas din silang mga nakabahag, agaw pansin ang kanilang katawan na walang bahid ng tattoo, na iba sa ilang mga kalalakihan.
Doon ko nakitang tumayo ang Tita Lola ni Amir na ngayon ay malawak ang pagkakangiti para salubungin kami, pansin ko agad ang maitim at mapulang mga ngipin nito na alam kong dulot ng pagnguya ng nga-nga.
Mabilis na sinalubong ni Amir ng yakap ang kanyang Tita Lola.
“Gumusta, ‘La? Inmulkat-ak hin mun-ammu hiya,” wika ni Amir.
“Hidi ka ya mun-uwi. Nahamakan ya immali ka pay. Dakkel ka hin,” ang malambing na wika ng kanyang Tita Lola.
Hindi ko ito naintindihan ngunit alam kong tungkol ito sa pangungumusta.
Halos mapunit naman ang mga labi namin ni Ghon sa aming nasasaksihan.
“‘La, mga kaibigan ko pala,” ang wika ni Amir at iginayak niya kami para ipapakilala sa kanya.
“Hello po.”
“Magandang umaga po.” Sabay na pagbati namin ni Ghon.
“Bless po.” wika ni Ghon at doon ito nagmano sa kanya.
Iginayak ko naman din ang aking sarili para magmano sa kanya.
“Mano po.” Wika ko at doon ko hinawakan ang kanyang kanang kamay bago ito idinikit sa aking noo.
Matapos ang pagmamano ay doon ko nakitang may ibinulong ang matanda kay Amir.
“‘La si Ghon at si Cali,” pagpapakilala sa amin ni Amir.
“Ako naman si Linnawa Montina,” malambing at nakangiting wika sa amin ng matanda.
“Tita Lola nalang ang itawag niyo sa akin.” Dagdag pa nito, matigas ang pagsasalita niya ng tagalog.
“Welcome here, sa Sentro ng Baranggay Chaya.” Segunda pa nito, napangiti nalang ako sa kanya.
Maputi na ang mga buhok ni Tita Lola, kulubot na ang kanyang mga balat, pango ang ilong nito, ngunit mapapansin mo parin ang bakas ng kagandahan niya.
Patuloy ang pag alingawngaw ng mga instrumento at pag indayog nila sa musika.
Doon kami iginayak ni Tita Lola papunta sa dalawang matandang lalaki na nasa ilalim ng kubo.
“Anong ibinulong sa ‘yo ni Tita Lola?” mahinang kulbit ko kay Amir na malawak parin ang pagkakangiti.
“Wala,” pang-asar na tugon nito sa akin.
“Hidi ya dan ibag ni Amir, dan ugpa-adal an umstay hidi hi one month. Hi Ghon ya hi Cali,” ang pagpapakilala sa amin ni Tita Lola sa dalawang matandang lalaki na ngayon ay nakatingin sa amin.
“Hello po.”
“Kumusta po.” Muling pagbati namin ni Ghon sa kanilang dalawa, ipinagdikit pa namin ang aming mga palad at doon nagmuwestrang yumuko bilang pagrespeto.
“Siya si Lolo Edgar, siya naman si Apo Lumawig,” pagturo sa amin ni Tita Lola sa dalawang lalaki.
Nakangiti si Lolo Edgar sa amin, samantalang seryoso ang tingin ni Apo Lumawig.
Sa kanilang tatlo ay si Apo Lumawig ang tila matanda sa kanila, payat ito, bakas ang mga guhit ng pagtanda sa kanyang mukha, paglawlaw ng ilang mga balat sa braso, at maputi rin ang kanyang buhok at mahabang balbas.
“Maligayang pagdating sa Chaya, Ghon at Cali.” Nakangiting pagbati sa amin ni Lolo Edgar.
Tansta ko ay nasa sixty palang ang matanda. Itim pa ang mga buhok nito, matikas pa ang kanyang katawan na alam mong batak sa trabaho. Agaw pansin naman ang hawak niyang tandang na manok.
“Paano naman ako, ‘Lo?” utas naman ni Amir sa tabi ko, na ikinatawa lang ng matanda.
Muli naman akong napatingin kay Apo Lumawig na seryoso pa rin ang tingin sa amin.
“Siya ba yung bossing na sinasabi ni Amir?” tanong ko sa aking isipan.
Nabanggit kasi nitong sa kanya kami makikitulog para matulungan namin siya, batid kong lagpas isang-daan na ang edad ng matanda.
Nasa ganoong kaming pwesto nang bigla nalang nawala ang alingawngaw ng mga instrumento, napabaling nalang kami ng tingin sa aming likuran nang magsimulang may mag-awitan na pinangungunahan ng mga kababaihan.
“Hiya pay nay, hiya pay nay, Umali ya ibah nan adal, Tinmaddang hi dalan di muyung, Dinangngah di nundoh-an di nunnu.”
Mga lirikong hindi ko maintindihan ngunit tila naiintindihan ng aking puso at isipan.
Nakangiti ang mga kababaihan habang inaawit nila ang isang musikang lumalambing sa aking mga tenga.
“Hiya pay nay, hiya pay nay, Nan mun-amma ya man-apo, Inyawat da hi kalinan na, Tapnu mabti-an nan tudok na.”
Patuloy ang kanilang pag-awit, paulit-ulit na hindi nakasasawang pakinggan.
Nasa ganoon kaming pwesto ng tumigil na ang pag-awit.
“Punta kayo sa gitna. Iwan niyo ang mga gamit.” Wika ni Tita Lola sa amin bago namin ibinaba sa papag ang aming kagamitan.
“Tara.” Pag-aya sa amin ni Amir bago kami lumakad papunta sa kaninang sinasayawan ng mga taga-rito.
Kasabay naming lumakad papunta sa gitna si Lolo Edgar bitbit ang tandang manok.
Tumigil kami sa aming paglalakad, nasa gitna ako ni Amir at Ghon, “Where does your gumamela come from?” wikang pansin sa akin ni Ghon sa kanan.
“Galing sa bata kanina.” Tugon ko naman sa kanya.
Pumunta si Lolo Edgar sa aming harapan bitbit ang tandang manok, pansin ko rin na may hawak itong kutsilyo.
Walang ingay na naririnig sa paligid, ang mga mata ay nasa amin na tila pinapanood ang nangyayari.
Maya-maya pa ay pumikit si Lolo Edgar at tila binubulungan ang manok na hawak-hawak niya.
“O Kabunian, nah-nah-lug-an di lutan, Hiya ya umali an ibah nan maphod an baddang. Tuwali an munduntog hiya hi dalan na, Iyayapuy hiya hi maphod an tudok ya adal. Tanggapun yu nan alay mi, tanda nan kalinan.”
Habang ginagawa niya ang dasal ay nabaling ang aking atensyon sa unahan, ang bulto ng anino na sumusunod sa akin ay unti-unting naglaho sa aking paningin. Hindi ko na iyon pinansin pa at muling bumaling ako kay Lolo Edgar.
Matapos niyang dasalan ang hawak-hawak niya ay hindi na ako nagulat ng dahan-dahan nitong ginilitan ang manok, doon nagpumiglas ang hayop habang unti-unting pumapatak ang dugo nito sa lupa.
Habang ginagawa iyon ni Lolo Edgar ay doon niya inilapit sa aming mga paa ang manok at pinatakan ang lupang aming tinatapakan.
Wala kaming ibang reaksyon ni Ghon kung hindi ang panoorin kung anong nangyayari, ito ang ritwal ng pagsalubong na sinasabi ni Amir kanina.
Matapos patakan si Amir na nasa aking kaliwa ay doon ako nakarinig ng isang pagtambol sa gong, muling umalingawngaw ang iba’t-ibang instrumento.
“Welcome again here, Barangay Chaya.” Pagbati sa amin ni Lolo Edgar bago ito umalis sa aming puwesto bitbit ang wala nang buhay na manok.
“So that’s how the ritual works.” Utas ni Ghon.
Bumaling ako ng tingin kay Amir na ngayon ay tila may sinisipat sa mga tao sa paligid.
Hinahanap ko naman kung sinong hinahanap nito, ngunit sa hindi ko malamang dahilan ay tila mas lumakas ang tunog ng mga instrumento.
Sa bawat malakas na pagtambol ng drum ay doon ko naririnig ang malakas na yabag papalit sa aming pwesto.
“Bossing!” hiway na pagtawag ni Amir. Napatingin naman ako sa tinatawag nito.
Sinisipat ko ang taong tinawag ng lalaking ito…
…nang biglang umihip ng malakas ang hangin, ang gumamelang nakalagay sa aking tenga ay nilipad papalikod.
Doon ko ito hinabol at kinuhang muli, napabaling ako ng tingin sa bahay kubo kung saan nandoon sila Tita Lola, Lolo Edgar, at si Apo Lumawig na seryoso parin ang tingin sa akin, walang reaksyon ang matanda hudyat na hindi ito ang tinawag ni Amir.
Kung hindi siya si Bossing ay sino ang tinawag ng lalaking iyon?
Habang nasa ganoon akong pwesto ay naririnig ko ang ilang mga pagtawag ng mga taga rito.
“Bossing!” “Boss!” “Bossing.” “Bossing!”
Pagtawag ng mga babae, lalaki, bata, matanda.
Matapos kong madampot ang kulay rosas na gumamela ay doon ako dahan-dahang tumayo at muling humarap sa pwesto nilang dalawa.
“Bossing, kaibigan ko. Si Cali.”
Isang malakas na paghampas ng gong ang umalingawngaw bago tuluyang kinain ng katahimikan ang buong paligid.
Kumusta? Ang pag-pagiiwan mo ng komento sa kabanatang ito ay malaki nang pasasalamat bilang pagsuporta sa istroyang ito. Nais kong marinig ang inyong mga komento. Ingat!
Kabanata 2
G U M A M E L A
December 1941, Baguio, Benguet, Philippines
Matikas ang pagkakatayo, nakapasok ang tiyan at nakaliyad ang dibdib. Ang aking tatlong daliri sa kanang kamay ay pulidong nakasaludo, suot ang puting t-shirt at pantalon, habang hawak-hawak ang itim na duffel bag.
Diretso ang aking tingin sa taong banyaga na pabalik-balik sa aming harapan, tiyak na siya ang camp commander base sa kanyang tila mabigat na sundalong uniporme na kulay tsokolate.
Diretso ang aming tayo sa malawak na campsite na napapalibutan ng mga matataas na pine trees na preskong-presko sa amoy.
Halos ilang minuto na rin ganito ang aming puwesto, hindi iniinda ang tirik na tirik na araw dahil malamig naman ang simoy ng hangin.
“You’re going to be the front-line defense! The word weak doesn’t exist here in this camp! Do you understand!?” matigas at punong-puno ng gigil niyang wika.
“Sir! Yes, Sir!” sabay-sabay na sagot ng halos limampung bagong recruit kasama na ako.
“Do you understand!?” muling hiway nito.
“Sir! Yes, Sir!” muli naming sagot na tropa habang patuloy na nakasaludo.
“We want to ensure a standardized military discipline and coordination for defense against Japanese invasion. If you know that you can’t protect your land, go home!” tugon pa nito bago niya tapikin ang isa pang sundalo na nasa unahan niya, tiyak na siya naman ang platoon leader.
Naglakad papalayo ang camp commander at doon pumunta sa unahan namin ang platoon leader.
Nakangiti itong sinenyasan kami para ibaba ang aming pagkakasaludo.
“Welcome dito sa Camp John Hay. Siya si Colonel John Peterson, ang ating Camp Commander.” Ang bungad niya sa amin habang pinapasadahan niya ng tingin ang buong tropa.
“Lieutenant Miguel Dela Torre,” mahinahon niyang pagpapakilala sa amin.
“Tama si commander, kayo…kayo ay magiging front line sa Bataan. Hindi ko alam kung saang lupalop kayo ng Pilipinas galing, ngunit nandito kayo at ipinadala para sa isang training, drills, at coordination…”
“…iisa lang ang ipinaglalaban natin, ang ipaglaban ang ating bansang kinagisnan. Bansang kinalakihan. Bansang Pilipinas.” Seryosong litanya ni Lieutenant Dela Torre.
Hanggang ngayon ay wala akong nararamdaman, isinasabay ko nalang ang aking sarili sa agos ng ilog na patuloy lumalaban.
“Limang barracks ang nakalaan para sa inyo, sampung tao bawat pinto. Ang hati niyo ay nakabase sa inyong pila ngayon.” Wika pa niya bago muling pinasadahan ng tingin ang tropa.
Limang pila ang meroon at sampu bawat isa, ako ay nasa unahan ng pangatlong pila.
“Physical trial training by thirteen-hundred hours. You may now proceed to your barracks. Dismissed!” huling wika ni Lieutenant bago ito umalis sa aming harapan
“Yes, Sir!” muling sumaludo ang buong tropa bago nagtakbuhan papunta sa isang puting building kung saan nandoon ang barracks.
Nakita ko nalang ang aking sarili na mabils ding tumatakbo sa malawak na bermuda grass field, kasabay ng mga bagong recruit sa aming pila kanina.
Sa patuloy na pagtakbo ay hindi ko malaman kung bakit nabitawan ko ang aking hawak na duffel bag.
“Ay…takte.” Napamura nalang ako dahil bumalatlat at natanggal sa bag ang aking mga gamit.
Mabilis naman akong kumilos para damputin ang gamit, wala na akong naririnig na mga yabag papunta sa barracks.
Ako ngayon ay nakaupo habang mabilis na isinisilid ang mga damit sa bag, ang aking dalang lapis at pangkulay ay nagkalat din.
Patuloy ako sa pagpulot ng gamit nang mapansin kong ko may anino sa harapan ko. Nakatapak ito dahilan para makita ko ang maliit at madumi niyang paa.
Dahan-dahan kong itinaas ang aking ulo para tingnan kung sino ang nasa harapan ko.
“Hello.” malambing niyang wika.
Isang batang babae na ngayon ay malawak ang pagkakangiti, agaw-pansin naman ang dungis sa kanyang mukha, gayundin ang kanyang damit.
“This is for you,” wika niya, bago nito inilahad sa aking harapan ang kulay rosas na gumamela.
Kukunin ko na sana ito sa kanyang kamay ngunit inalayo niya na tila ayaw ipakuha, nagulat nalang ako ng mas lumapit siya sa aking pagkakaupo at nakangiti itong dahan-dahan na inilagay ang gumamela sa ibabaw ng aking kanang tenga.
Wala naman akong ibang ginawa kung hindi ang magpaanod sa ginawa ng bata.
Matapos niyang mailagay ang gumamela ay doon niya pinagmasdan ang aking mukha.
“You…you’re beautiful.” Nahihiyang wika nito, nagulat ako nang bigla itong tumakbo papaalis sa aming pwesto.
Napangiti nalang ako at nagkibit balikat bago muling itinuloy ang pagpulot sa aking gamit.
Matapos kong maisilid ang lahat sa bag ay napansin kong sira ang zipper nito. “Ano ba ‘yan,” aking turan.
Bago palang ako tatayo sa ay ramdam kong may tumatakbo papalapit sa aking puwesto.
Mabilis ko namang tinanggal ang gumamela na nakapatong sa aking tenga.
Hawak ang gumamela, ay doon ko na naramdaman ang isang pamilyar na presensya sa aking likuran, isang pakiramdam na para bang dati ko nang naramdaman.
Pagtayo ko sa aking pagkakaupo, ay dahan-dahan akong bumaling ng tingin sa taong lumapit patakbo sa pwesto ko.
Bumungad sa akin ang isang lalaking malapad ang pagkakangiti. Ang kanyang mga mata ay nangungusap na tila matagal na kaming magkakilala.
Binalingan niya ng tingin ang hawak kong gumamela bago muling tumingin sa akin.
“Emilio,” nakangiti niyang pagpapakilala.
Doon pa niya inilahad ang kanyang kanang kamay.
“Ca…Caloy,” pag aalinlangan kong tugon, habang nakatingin sa kamay niya.
Sa kasalukuyan, isang malakas na paghampas ng gong ang umalingawngaw. “Bossing, kaibigan ko. Si Cali.”
Para bang tumitigil ang oras. Ang gong, ang tunog ng hangin, ang mga mata ng mga tao sa paligid….lahat ay nagtagpo sa isang sandali na tila nagbabalik sa nakaraan.
Ang parehong mga mata at init ng presensya na noon ko lang naramdaman sa nakaraan, ngayon ay muling bumabalik sa aking harapan.
Tuluyang kinain ng katahimikan ang paligid, at sa pagitan ng mga tunog ng gong, alam kong hindi lang simpleng coincidence ang muling pagkikita namin.
Habang nakatingin sa kanya, bigla kong naramdaman ang alingawngaw ng nakaraan, ang batang nag-abot ng gumamela, ang unang palitan ng mga ngiti, ang mga kamay na nagtagpo sa unang pagkikita namin.
Parang mga larawan ng nakaraan ang naglalaro sa harap ng aking mga mata, nakabalot sa kasalukuyang tunog, amoy, at liwanag ng Chaya Rice Terraces.
Hindi ko maintindihan kung ang kasalukuyan at nakaraan ba ay magkahawak-kamay, nagbabalik sa parehong simula, parehong ritwal, parehong pagkilala.
Sa bawat pagtindig namin at bawat pagkilos ng mga taong nakapaligid, naramdaman kong muli ang koneksyon namin, isang kwento na lumalampas sa oras at espasyo.
Hindi ba’t nanananigip lang ulit ako?
“Cali.”
“Cali!”
Tila ako’y nagising nga sa isang panaginip. Muling bumalik ang ulirat sa aking katawan dito sa kasalukuyan.
“Cali, si Bossing.” Pagtapik sa akin ni Amir.
Nasa harapan ko ang isang lalaki na seryosong nakatingin sa akin, ang inaakala kong uugod-ugod na Bossing base sa deskripsyon ni Amir ay taliwas sa itsura nito.
Makapal, maitim, at natural na bumabagsak sa tamang direksiyon ang kanyang buhok.
Ang mga mata niya ang una ko ring napansin. May lalim, yung tingin na hindi maingay pero nakapupukaw. Medyo singkit, na parang laging may munting ngiti na itinatago.
Ang ilong niya ay matangos, ang bibig niya ay manipis. May kaunting bigote at balbas sa paligid.
Ang hugis ng mukha niya ay halos parang inukit, dahil medyo pahaba, may nanlalaban na panga, at makinis na kutis. Hindi maputi, kung ‘di moreno.
Nakasuot ito ng puting polo at black pants, malayong-malayo sa suot ng mga taga-rito, isang tanong ang gusto kong masagot, hindi ba’t isa siyang mumbaki?
“Kulang nalang ay isipin kong may mali sa mukha ko,” seryosong baritong boses ang bumasag dito.
Hindi ko namalayan na matagal na pala ang pagtitig ko sa kanyang mukha.
Napalunok ako at napatungo dahil sa hiya.
Bumaling siya ng tingin kay Amir, “Kung doon kayo mag titigil, wag kayong magpapaabot sa takip-silim,” wika nito sa kanya.
“Copy, Bossing!” tugon ni Amir sa kanya.
Bago siya umalis sa aming kinatatayuan ay muli niya akong pinasadahan ng tingin na tila hindi niya gusto ang presensya ko.
Kumusta? Ang pag-pagiiwan mo ng komento sa kabanatang ito ay malaki nang pasasalamat bilang pagsuporta sa istroyang ito. Nais kong marinig ang inyong mga komento. Ingat!
Kabanata 3
S N O B
“Kaya siya ang pinakabatang mumbaki sa buong Ifugao,” ang pagtatapos sa kwento ni Amir.
Alas-singko na ng hapon dito sa Barangay Chaya, Mayoyao, Ifugao Cordillera.
Nagsisimula nang lumubog ang haring araw, nagiging kulay kahel na rin ang kalangitan na matatanaw ang buong ganda sa aming likuran.
Tumagal nang halos ilang oras ang kasiyahan at kainan sa sentro ng barangay matapos ang isinagawang ritwal na pagsalubong sa aming pagdating.
Pagod na ang mga labi namin ni Ghon sa pagpapakilala sa mga taong nakatira rito sa buong Barangay.
Samantalang hindi namin nakikitaan ng pagod ngayon si Amir, mula sa sentro hanggang sa paglalakad namin ngayon ay patuloy ang kanyang kwento sa mga naranasan niya noong dito pa sila nakatira.
Ang aming nilalakaran ngayon ay maliliit at pinagpatong-patong na mga batong hagdan paakyat sa hagdang-hagdang palayan.
Kasalukuyan na naming binabaybay ang daan papunta sa tinatawag ni Amir na Bossing.
“Agriculture ang tinapos niya,” dagdag pa niya.
Nalaman kong magpinsang silang dalawa, mula noong ipinanganak daw sila ay magkasanggang-dikit na ito. Mula sa eskwelahan, kalsada, at palayan ay magkasama na silang dalawa.
Tinanong ko rin kung anong totoong pangalan ng lalaking iyon, ngunit ang sagot niya ay…
“…Bossing, basta Bossing nalang ang itawag niyo.” tugon niya.
Naikwento rin ni Amir na mula daw noong matutong maglakad ang lalaking iyon ay nakitaan na siya ng mga matatanda at ng ilang mga mumbaki na ito ay interesado sa ginagawa nila. Kaya raw hindi na siya nagtaka na sinundan niya ang mga yapak nila.
“Is it still far?” untag ni Ghon sa likuran ko.
“Uwi ka nalang,” pang-inis namang sagot ni Amir na nasa unahan ko. “Wala ka na ngang bitbit, nagrereklamo ka pa,” segunda pa nito sa kanya.
Tanging mga backpack nalang ang dala namin, ipinasuyo kanina ni Tita Lola sa mga kabataan ang mga maleta namin pataas doon sa aming tutuluyan, para raw hindi na kami mahirapan pa.
Wala naman akong narinig pang tugon ni Ghon kung ‘di paghinga ng malalim, tiyak na wala na siyang energy pang makipagbangayan sa lalaking nasa unahan ko.
“Malapit na, ‘yun oh,” tugon naman ni Amir.
Napatingin ako sa itinuro nito at doon na nga ako may natatanaw.
Sa patuloy naming pag-akyat ay doon muling nagsalita si Ghon, “Wait,” wika niya kaya kami ay napatigil at napatingin sa kanya.
Sa pagtalikod namin ay doon bumungad ang isang napakagandang tanawin, ang kalangitang nag aagaw na sa dalawang kulay na kahel at pula, habang unting-unting lumulubog ang haring araw.
Napahawak ang aking dalawang kamay sa magkabilang balikat ng maramdaman kong mas lumalamig na ang simoy ng hangin.
Sa pagdampi ng hangin sa aking balat ay tila doon nagtataasan ang aking mga balahibo at sumasayaw sa ihip ng hangin tulad ng pagsabay ng mga tubong palay sa hagdang-hagdan palayan.
Doon pa mas kuminang ang aking mga mata dahil sa ganda, “…how lucky, imagine seeing this everyday,” muling untag ni Ghon sa pagkamangha.
“Tara na…” utas naman ni Amir, “…isang buwan niyo ‘yan makikita.”
Muling nagpatuloy ang aming paglalakad, sa patuloy na pag-akyat ay doon na rin kinakain ng dilim ang kapaligiran.
Matapos ang sampung minutong paglalakad ay narating na rin namin ang halos tuktok na lugar ng hagdang-hagdan palayan.
Sumalubong sa aming harapan ang tatlong gusali na nakatayo sa malawak na lupaing patag.
Nasa gitna ang isang bahay kubo na gawa sa makapal na kugon bilang bubong, apat na matibay at makapal na kahoy bilang pundasyon, ang kubong ito ang nagsisilbing kainan at lutuan.
Mapapansin sa gilid at haligi ng kubo ang malaking tipak ng bato na nagsisilbing kitchen counter, na may kalan na gawa rin sa bato at ilang mga kagamitan sa pagluluto. Sa gitna ng kubo ay naroon ang isang pahabang kahoy na lamesa at mga upuan.
Sa taas na bahagi ng kubo ay mapapansin ang malaking storage room na kung saan doon daw nakalagay ang mga aning palay.
Sa magkabila ng kubong ito ay doon nakatayo ang dalawang kubo na gawa rin sa makapal na kugon bilang bubong, apat na matibay at makapal na kahoy bilang pundasyon at mga haliging gawa sa pinagsama-samang kawayan at malalapad na kahoy.
Naka-angat ang dalawang kubo ng bahagya dahilan para mapansin ko ang hagdanan malapit sa pintuan.
Iginala ko pa ang aking paningin sa malawak na patag, ang nagbibigay liwanag ngayon dito ay ang mga ilaw na tila pinapagana ng solar power. Ang tatlong kubo ay may kanya-kanya ring ilaw.
Madilim man sa ilang parte ay pansin kong may iba’t-ibang gulay ang nakatanim dito, rinig ko pa ang mga huni ng mga manok na tila ngayon ay sumisilom na at sumasabay sa paglalim ng gabi.
“Where’s Bossing?” wika ni Ghon.
“Bossing!” ang pagsigaw naman ni Amir sa aming kinatatayuan.
Ilang segunda pang paghihintay at pag gala ng aming mga mata sa paghahanap sa lalaking iyon ng biglang…
“Anong sabi ko?” baritong boses sa likuran ang bumasag sa aming kinatatayuan.
Dahan-dahan ang aming ginagawang pagtalikod.
Doon bumungad ang seryosong mukha ng lalaking ito na hindi bumabagay sa ganda ng papalubog na haring araw sa likuran niya.
“Hindi ba’t sabi ko ay wag kayong magpapagabi?” tila iritado niyang wika sa amin.
Nakatingin ako ng diretso sa kanyang mukha, tila doon niya iniiwasan ang aking tingin.
“Buzzer beater, Bossing. Tingnan mo oh, bago palang talaga lulubog,” birong tugon ni Amir sa kanan ko at iginayak pa niya ito para tinginan ang papalubog na araw.
Tinulak niya si Amir at doon nalang umiling.
“Good evening, Bossing,” itinaas pa ni Ghon ang kanyang kamay bilang pagbati, tinanguan naman siya niyo bilang tugon.
“Magandang ga—”
“Kung may kailangan kayo ay sabihan niyo lang ako.” Pagputol nito sa aking wika.
Bumaling siya ng tingin sa kubong nasa gilid namin at doon niya ito itinuro, “Nasa loob ang mga gamit niyo, diyan kayo titigil. Ang banyo ay nasa kabilang kubo, sa gilid. Ang kusina at kainan, nandoon,” segunda pa niya.
Doon nalang ako napatango bilang pagsang-ayon.
“Lumalalim na ang gabi, mauna na muna ako sa inyo. May bukas pa,” ang paalam niya sa amin bago ito umalis sa aming kinatatayuan.
Sinundan ng aming mga mata ang naglalakad na lalaki papunta doon sa kusina, “Is he alone?” ang tanong ni Ghon.
“May nakikita ka bang kasama niya?” tugon naman ni Amir sa kanya. “Tara. Pasok na muna tayo,” aya nito sa amin papasok sa kubo.
Katahimikan ang bumabalot sa aking isipan ko ngayon, hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman.
“Who should take the bed?” wika ni Ghon.
Kami ngayon ay nakatayo rito sa may pintuan habang iniikot ang tingin sa loob ng kubo.
Kung sa labas ay parang maliit tingnan ang kubong ito, ngunit sa loob ay malawak ang espasyo na sakto para sa kwarto ng isang buong pamilya.
Gawa sa makakapal na kahoy ang buong haligi na tiyak hindi basta–basta masisira ng bagyo.
Iisa lang ang kama na gawa sa kawayan na nakapwesto sa gilid, may foam na nakalatag sa ibabaw at may mga kumot at unan.
“Ikaw nalang sa kama, Cali. Sa lapag nalang kami,” wika ni Amir bago siya kumilos para kunin ang nakatiklop na foam sa ilalim ng kama.
“We sharing bed?” utas ni Ghon kay Amir na inaayos ngayon ang kanilang hihigaan.
“Hindi. Doon ka sa labas,” pang-asar na tugon nito.
“Fuck you!” inis na singhal naman ni Ghon.
Nagulat nalang ako ng doon tumayo si Amir para kuwelyuhan si Ghon, ‘di naman nag patalo ang lalaking ito at doon niya rin ito kinuwelyuhan.
“Kanina ka pang kumag ka ah!” inis na wika ni Amir sa kanya, kitang-kita ko sa mga mata nila ang init na parang mga batang nag-aaway dahil sa iisang candy.
“Who told you to be in our group in the first place? Pinilit mo lang si Sir.” Tugon naman ni Ghon sa kanya.
“Ghon, you should take the bed. Kami nalang ni Amir sa lapag.”
“Hindi!”
“No, Cali!” tugon nilang dalawa na ikinagulat ko pa.
Doon ko sila iginayak para bitawan ang isa’t-isa. “Walang patutunguhan ang thesis natin kung isang buwan kayo magbabangayan,” ang wika ko sa kanila.
“Isang buwan lang, one month lang. Subukan niyo, try niyong mag behave dalawa,” dagdag ko pa sa kanilang dalawa bago ko tapik-tapikin ang kanilang mga balikat.
“You take the bed, Cali. Sa lapag nalang din ako,” ang mahinahong wika ni Ghon sa akin at doon ako tumango.
“Sus, gusto rin pala akong katabi.” Bulong naman ni Amir sa gilid.
Napailing nalang ako sa ikinikilos ng dalawang ito, parang mga bata na kulang sa aruga.
‘Di na sila umimik pa at doon iginayak ang mga sarili para ayusin ang kanilang tutulugan at ang kanilang mga gamit. Ganoon din ang aking ginawa.
“Labas muna ako, Cali. Kausapin ko si Bossing,” paalam sa akin ni Amir bago ito lumabas.
Kasalukuyan na akong nakaupo rito sa kama, hindi ko man sinasadya pero ang bintana kasi ay nandito sa may higaan sa ulunan kaya tanaw ko yung Bossing na ngayon ay nakaupo sa upuan doon sa kusina habang humihigop ng tila kape sa tasa.
“He seems cool,” ang basag katahimikan ni Ghon na ngayon ay nakasilip din sa bintana, si Amir ay nandoon na rin sa kusina.
Umayos ako ng upo at humarap kay Ghon.
“Masungit,” ang sambit ko sa kanya.
“We don’t know him yet. That’s just our first impression,” wika pa nito bago siya umupo sa latag sa sahig. “He’s alone, maybe that’s the reason why he acts like that with you,” dagdag pa niya.
“Mag isa ka na nga, pero magsusungit ka pa?” makahulugang tugon ko sa kanya.
Napatawa naman siya, “May side ka palang ganyan? I don’t see you acting like that,” wika niya.
“Bakit?” tugon ko.
“I mean, ang tahimik mo sa school. Tapos right now, you’re being straightforward,” paliwanag nito sa akin.
Napangiti nalang ako sa kanya, “Ewan ko sa ‘yo, mag ayos kayong dalawa ni Amir. Wag niyong pabibigatin ang ulo ko.”
Napatawa nalang siya.
Sa ulunan ng kama ay may isang kabinet kung saan nakapatong ang isang maliit na lampara. Lumapit ako roon at inayos ang sarili para tanggalin ang relo at ang bracelet ko.
“Your bracelet looks unique,” puna ni Ghon, na nakahiga na ngayon habang hawak ang kanyang cellphone.
“Saan siya gawa?” dagdag pa niya, hindi inaalis ang tingin sa akin.
“Bigay ni Papa. Made out of ratan,” sagot ko bago ko marahang inilapag ang bracelet at relo sa ibabaw ng kabinet.
Muli naman akong napabaling ng tingin sa may bintana, kita kong nag uusap ng masinsinan si Amir at ang Bossing.
Hindi ko na iyon pinansin. Sa halip, bumalik ako sa kama at inayos ang sarili para humiga, pilit na pinapakalma ang isip na kanina pa hindi mapakali.
Kumusta? Ang pag-pagiiwan mo ng komento sa kabanatang ito ay malaki nang pasasalamat bilang pagsuporta sa istroyang ito. Nais kong marinig ang inyong mga komento. Ingat!
Kabanata 4
B A Y O
Pagbukas ng aking mga mata ay kisame ng bahay kubo na gawa sa kugon ang bumungad sa akin. Akin itong pinagmasdan habang dinadama ang masarap na pagkakahiga sa kama.
Kahit na makapal na ang kumot na bumabalot sa aking katawan ay ramdam ko pa rin ang malamig na klima rito sa Mayoyao Cordillera.
Ito ang opisyal na unang araw namin sa Barangay Chaya, nakapikit pa lang ako kanina ay wala nang tigil ang pagtilaok ng mga manok sa labas.
Ang haring araw rin ay pilit nang sumisiksik papasok sa haligi ng kubo.
Patuloy akong nakatitig sa kisame habang inuulit-ulit sa isip ko ang naging pagsalubong ng mga taga-rito sa aming pagdating.
Mula sa kamangha-manghang tanawin, sa mga mababait at masiyahing mga katutubo, sa ritwal na isinagawa nila, sa presensya ng mga mumbaki, hanggang sa masungit na lalaking tinatawag ni Amir na Bossing. Lahat iyon ay parang pelikulang paulit-ulit na tumatakbo sa aking isip.
Sumasagi rin sa aking isipan ang mga imaheng para bang hinugot mula sa isang panaginip. Makalipas ang dalawang taon, iyon ang unang malinaw na larawang napanaginipan ko.
Iisang panaginip na tila may malalim na koneksyon sa aking nakaraan, na para bang may ipinapaalala o sinusubukang isigaw sa akin ang mga alaala na halos hindi ko na maalala.
“Emilio…” Bigkas ko sa kawalan. “Caloy…” Banggit ko pa sa hangin.
“Gising ka na ba?” gulat akong mabilis na bumalikwas sa aking pagkakahiga. “Hanap ka ni Bossing, bangon ka na.” Wika ni Amir na ngayon ay kumakatok sa pintuan ng kubo.
Napalaki naman ang aking mata ng sabihin niya kung sinong naghahanap sa akin. “Ha?…teka, saglit lang,” mabilis akong tumayo sa pagkakahiga.
Suot ang aking pantulog na maluwag na puting t-shirt at pajama, mabilis kong tinumbok ang pintuan at ito’y binuksan.
Bumungad sa akin ang nakangising si Amir, mukha pa lang ay alam kong nagbibiro ito.
“Bilis ah,” asar niya.
Bago matulog kagabi ay naitanong ko kay Amir kung natural bang masungit ang Bossing niya. Tanging sagot niya lang ay…
“…kulang sa lambing,” ang wika nito kagabi kaya napataas nalang ako ng kilay.
“Sarap ‘ata ng tulog mo,” wika ni Amir bago namin tinumbok ang daan papunta sa kabilang kubo.
Napasarap nga ‘ata talaga ang tulog ko dahil mataas na ang tirik ng haring araw. Hindi masakit sa balat ang sinag nito, lamig sa simoy ng hangin ang nararamdaman ko.
Paglabas pa lang ng kubo ay hindi na ako nagulat na magandang tanawin ang bumungad sa akin. ‘Di ata ako magsasawa sa halos isang buwang magandang hagdang-hagdan palayan ang sasalubong sa pag-gising ko.
“Nasaan si Ghon?” tanong ko kay Amir.
“Wala. Umuwi na,” Nakalolokong wika nito kaya napatigil ako sa paglalakad.
Doon ko seryosong binalingan ng tingin si Amir, kasasabi ko lang sa kanila kagabi na tigilan ang away nilang parang aso at pusa.
“Nandoon sa bayan, kailangan ng kasama ni Tita Lola.” Pagsuko naman nito bago namin itinuloy ang paghakbang papunta sa kubo.
Ngunit ilang hakbang pa lang ang aking ginagawa ay muli akong napatigil sa aking pwesto nang makita ko ang malapad na hulma ng lalaking nakaupo sa upuan habang hawak-hawak ang tasa ng kape.
Seryoso itong nakatingin sa amin ni Amir.
“Bilisan mo,” ang kulbit sa akin ng lalaking ito at doon ako niya itinulak papunta sa lamesa kung saan nakaupo ang Bossing nito.
Iginayak pa ako ni Amir papaupo sa harap ng lalaking seryoso ang pagkakatitig sa akin.
Kung kahapon ay tila iniiwas niya ang kanyang mga mata, ngayon nama’y parang isang maling galaw ko lang ay kakainin niya ako nang buhay.
“Ma… magandang umaga po,” bungad ko, kahit hindi ko maintindihan kung bakit hiya ang nangingibabaw sa akin ngayon.
Doon ko siya mas napagmasdan nang malapitan. Maamo ang kanyang mukha na tila parang inosenteng bata at mas lalong nababagay ang itsura niya sa suot na puting long sleeves.
“Tanghali na,” sagot niya, malalim at malamig ang boses.
Napakamot na lang ako sa hiya, sabay rinig sa mahina pero halatang pang-aasar na hagikgik ni Amir sa likuran.
“Pasensya na po… malamig po kasi,” tanging nasabi ko habang iniwas ko ang tingin sa kanya.
Hindi ko siya magawang titigan nang matagal sa mata. Hindi ko alam kung bakit, parang may kung anong bigat o kuryenteng dumadaloy tuwing nagtatama ang mga tingin namin.
Ilang minutong ganoon ang aming pwesto, hinayaan ko ang aking sarili na husgahan ng kanyang mapagmasid na mga mata. ‘Di na ako nag protesta pa dahil pasasalamat nalang din sa ginhawa na sa kanya kami nakikituloy.
“Saan galing ‘yan?” Muli akong nakipaglabanan ng tingin sa kanya.
“Alin po?” Tugon ko, ‘di ito nagsalita ngunit nakatitig siya sa suot kong smartwatch at bracelet.
“Ito po?” utas ko kanya bago itinuro ang smart watch, ‘di ito kumibo. “Sa online ko lang po ito binili,” ang lahad ko sa kanya.
Doon ko hinubad ang smart watch, “Maganda po ito, kayang mag track ng steps at kilometer ng takbo o lakad niyo. May features din kung ilang tubig ang dapat—-”
Hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang umalis nalang siya sa harapan ko. “–dapat inumin,” bulong ko nalang sa hangin habang tinititigan ang lalaking papalayo.
Muli kong narinig ang hagikgik ni Amir sa aking likuran na tila kanina pa ako nito pinagtitripan.
Mabilis ko itong binalingan ng tingin at doon siya kinurot-kurot sa tagiliran niya, “Aray ko! Ha——aray! Tama na!” natatawang pagsuko nito sa akin.
“Kanina ka pa ha, kanina ka pa!” patuloy kong pagkurot dito.
“Ca—li. Ha—–aray, ta…ma…na”
Natigil ang ginagawa kong pagkurot kay Amir nang makarinig kaming ng dalawang mabigat na pagkatok sa lupa.
Sabay kaming napabaling ng tingin ni Amir sa kanya. Seryoso ang kanyang mukha habang bitbit ang dalawang mahaba at malapad na kahoy.
Lumapit ito sa aming pwesto. “Magbabayo, Bossing?” utas ni Amir bago tumango ang lalaki.
Inabot niya ang kanyang bitbit bago siya umalis sa aming harapan, nang mahawakan ko ang kahoy ay doon ko naramdaman ang bigat nito sa aking mga palad.
Magaspang ang kahoy sa ilang bahagi, pero makinis sa gitna, ang kahoy ay halos umabot mula sa dibdib ko hanggang sahig.
Sinusuri ko pa ang aking hawak bago ayain ni Amir, “Tara, doon tayo sa may mangga.”
Ilang hakbang lang mula sa kubo ay makikita ang isang malaking puno ng mangga na isa sa nagbibigay lilom dito sa lugar.
Sa ilalim ng puno ay may isang malaking kahoy na tila hugis mangkok, alam kong dito ibabayo ang palay gamit ang mga kahoy na hawak namin dahil sa tabi nito ay naroon ang isang puting sako na naglalaman ng palay.
“Sa internet ko lang ‘to nakikita,” ang wika ko kay Amir na ngayon ay sumasandok ng palay sa sako.
“Tuwing uuwi kaming dalawa ni Bossing sa school at bago maglaro, hindi puwedeng hindi kami magbabayo ng palay. Wala kaming kakainin, kapag hindi nagbayo.” Lahad ni Amir, bago niya ibinuhos ang palay sa malaking kahoy na mangkok.
“Anong tawag sa mga ‘to?” Tanong ko sa kanya.
“Ito..” patukoy niya sa hawak-hawak namin, “Ang tawag ay al-o, pestle sa English, ito yung ginagamit sa pambayo. Habang ito naman…” turo niya sa malaking kahoy na parang mangkok. “Lusong naman ang tawag, parang batong sisidlan, dito binabayo yung palay.”
Tumang-tango naman ako sa pagpapaliwanag ni Amir, “Ganito, watch me first,” wika pa niya bago ko siya panoorin kung paano nga ba ang tamang pagbayo sa palay.
Doon nagsimulang itaas at ibaba ni Amir ang kahoy na tawag ay al-o. “Para siyempre humiwalay yung ipa ng palay ay kailangan may pwersa at lakas sa bawat bagsak.”
Doon ko pa siya pinanood ng mabuti at inaral ang bawat pagbaba at pagtaas sa hawak-hawak niyang kahoy.
“Try mo,” wika niya bago ako binigyan ng espasyo para gawin ang pagbabayo ng palay.
“Hindi mo na kailangan ng rice miller. Lakas at tiyaga lang ay makakain ka parin ng kanin.” Segunda pa ni Amir.
Hinawakan ko nang mas mahigpit ang al-o, sabay ayos ng aking mga paa para hindi ako mawala sa balanse. Pag-angat ko sa kahoy ay agad kong naramdaman ang bigat na kumakain sa aking mga braso na para bang hinihila pabalik ng lupa. Tinaas ko pa nang kaunti hanggang halos umabot pantay sa aking balikat.
Pagbaba ko ay doon sumalpok ang dulo ng kahoy sa ibabaw ng palay na nasa lusong.
Mababaw pero solidong tunog na nagpalipad ng ilang balat ng palay sa gilid.
Huminga ako nang malalim, saka muling itinaas ang al-o at mas mataas ngayon, pa
rang gusto kong bumawi sa unang bagsak.
Muli ko itong ibinaba, mas madiin, at tumama ito nang mas malakas. Kasabay noong tunog ang banayad na pag-uga ng lusong. Sa bawat pagtaas at pagbaba, ramdam ko ang bigat na dumadaloy mula sa aking balikat pababa sa aking bisig.
Habang tumatagal, nagkakaroon ng rhythmic pattern, taas, baba, taas, baba na para bang sinasayaw ko ang sarili ko sa bigat at ulit-ulit na tunog ng pagbayo. Sa bawat bagsak, nakikita kong unti-unting namg humihiwalay ang ipa mula sa palay.
Amoy na amoy ko rin ang palay na alam mong babad at tuyong-tuyo mula sa haring araw.
Sa totoo lang ay hindi madali ang ginagawa ko dahil ramdam na ramdam ko ang ngalay sa aking braso. Ngunit may kung anong saya sa pakiramdam na ako mismo ang nagbabayo na para bang konektado ako sa bawat taong gumawa nito bago pa ako dumating dito.
“Dito rin ba kayo nagbabayo ni Bossing?” ang usisa ko kay Amir bago ko siya iginayak para ito naman ang mag bayo ng palay.
“Sa sentro talaga ang bahay namin, pero pag-uwi galing school ay dito kami dumidiretso sa kanila,” panimulang lahad nito sa akin.
“Si Tita Lola…” wika niya, “Siya ang nag-alaga kay Bossing, hindi kinaya ni Tita noong ipinanganak niya si Bossing. Si Tito Ariel naman, nag-ibang bansa, may ibang pamilya na,” lahad nito sa akin at ramdam ko sa tono niya ang lungkot.
“Hindi kami agad nakakapaglaro noon, kasi nakabantay si Tita Lola,” segunda niya naman. “Ako lang naman talaga ang nagpupumilit sa kanya na makisama, kasi mas gugustuhin pa niyang sumama doon sa mga matatanda, sa mga mumbaki,” wika pa nito.
“Kaya hindi na ako nagtaka kung bakit ganyan siya ngayon.” Panapos na pagkukwento ni Amir sa lalaking ngayon ay nasa gitna nang kainitan.
Napapalibutan siya ng mga manok na ngayon ay walang tigil sa pagtuka dahil patuloy ang kanyang ginagawang pag aalis ng ipa ng palay gamit ang bilao.
Tulad ng pagbabayo sa palay ay may proseso ring sinusunod dito, hinahagis-hagis ang mga palay sa pamamagitan ng paggamit ng hangin para maalis ang ipa.
Kung hindi ka sanay at marunong sa pag-aalis ng ipa ng palay, ay tiyak na masasayang lang ang bigas.
“Interesado ka kay Bossing ‘no?” utas ni Amir na ngayon ay itinigil na ang pagbayo.
“Nagtatanong ako kasi sa kanya tayo titigil ng isang buwan, ano ba naman yung magtanong ako sa pinsan niya diba.” Paglilinaw ko sa kanya.
Sa mukha pa lang na ibinabalandra ni Amir, alam kong may nais itong ibang ipahiwatig.
“Bakit hindi siya ang tanungin mo? Mabait naman si Bossing,” ang wika niya at doon siya bumaling sa likuran ko. “Diba, Bossing?”
“Tapos na kayo?” Boses sa likuran ko. ‘Di ko ba alam kung bakit nagtataasan ang aking balahibo kapag malapit ang presensya niya.
Seryoso ang mukhang ipinapakita ko kay Amir, dahil alam kong magbabanggit ito ng kalokohan.
“May gusto raw sa ‘yo si Cali.”
Kumusta? Ang pag-pagiiwan mo ng komento sa kabanatang ito ay malaki nang pasasalamat bilang pagsuporta sa istroyang ito. Nais kong marinig ang inyong mga komento. Ingat!
Kabanata 5
A D O B O
“The car is still alive. Big thanks to Tita Lola, mas safe na si Bumblebee,” paglalahad sa akin ni Ghon na kadadating lang galing bayan.
Nandito kami ngayon sa kubo, nakaupo sa upuan habang nakaharap sa laptop at mga papel na gagamitin sa pag-aaral. Pag-uusapan na namin kung anong magiging plano at takbo ng study.
Mula sa pagbuo ng mga research questions, paglilista ng mga taong kailangan naming makausap, pag-identify ng mga ritwal o gawain na dapat naming masaksihan.
Aayusin din namin ang schedule para sa participant observation, kung anong araw kami kikilos, anong oras mag-iinterview, at anong mga bagay ang dapat naming maranasan.
Hindi lang basta-basta ang thesis na ito, hindi sapat ang maisulat lang namin kung ano ang aming nakita, importante na maramdaman at maranasan ang kultura at paraan ng pamumuhay dito sa Cordillera.
“Where’s Amir?” ang hanap ni Ghon, tumabi ito sa aking kinauupuan.
“Nag re-request ng generator doon sa sentro, kasama yung Bossing. Pabalik na rin siguro.” Ang tugon ko sa kanya at tumango ito.
“Oo nga pala, nung dinala namin ni Tita Lola si Bumblebee sa kumare niya, we saw a carnival sa may park,” lahad ni Ghon habang nagpapahid siya ng pawis sa mukha.
“Sabi ni Tita Lola na we should go there. She said that it is for the preparation for the festival next month. I think that will be fun, we should also invite Bossing. ”
“Pwede naman. Pero, ayusin muna natin ang schedule.” Tugon ko sa kanya at sumang-ayon naman ito.
Sinimulan naming planuhin ni Ghon ang magiging flow ng pag-aaral sa loob ng halos isang buwan.
Habang ginagawa namin ang pagpaplano ay doon kami nakarinig ng mga yabag, bumaling kami ng tingin sa likod at doon namin nakita ang dalawang lalaki na magkatulong at bitbit ang generator. Papunta silang dalawa rito sa aming pwesto.
Kitang-kita ko ang pagod sa mukha nilang dalawa dahil tagaktak na ang pawis, tiyak na mabigat ang generator. Tirik ang araw at doon nila binuhat ito pataas, wala kasing supply ng kuryente rito. Tanging ilaw at electricfan lang ang supported ng maliit na solar power.
Doon ako napatayo sa aking kinauupuan at inabot ang pitchel ng tubig na nasa harapan, sinalinan ko ng tubig ang dalawang baso para sa dalawang nasa harapan na namin.
“Thank you, Cali.” Bungad ni Amir matapos nitong kuhanin ang baso ng tubig, ang Bossing naman ay kasalukuyang nagpapahid ng pawis sa mukha.
“Amir,” pagtawag nito. “Isubok yu hi generator ya mamaya. Baba ak pay hi sentro, yu na ya man bahala, baka gabi ak,” ang segunda niya sa lenggwaheng hindi ko naintindihan.
Si Amir naman ay binigyan ito ng thumbs up, tanda ng naintindihan niya ito.
Hindi na kami binalingan ng tingin ng Bossing at umalis nalang siya sa aming harapan.
Sinundan ng aking mga mata ang hulma nitong papalayo sa aming pwesto at papasok sa kabilang kubo. Hindi ko malaman kung may problema ba sa akin ito, nahihiya ba, o sadyang masungit lang talaga.
“He said that we should test the generator later, he will go sa sentro, tayo na raw ang bahala baka gabihin siya,” ang bulong sa akin ni Ghon habang nakabaling din ang kanyang tingin sa Bossing na pumasok sa kabilang kubo.
Binalingan ko ng tingin si Ghon, “Naintindihan mo?” pagtataka kong tanong dito.
Tumango siya bago niya inilahad sa aking mukha ang kanyang cellphone at doon naka-flash na gumamit siya ng translator sa isang website, napatawa nalang ako.
“Baliw,” utas ko nalang sa kanya.
“Cali.” Wika ni Amir na nakatayo parin sa aming harapan. Tiningnan ko ito habang nagpapahid na siya ng pawis sa katawan.
“Binawas ko sa budget yung gasolina, ‘di na pinabayaran ‘tong generator. Gasolina nalang ang gagastusan natin.” Lahad ni Amir at tumango nalang ako.
May ibinigay na budget ang school para sa one way transpo at survival expenses. May sobra kaming budget para sa transpo kasi nag roro kami papunta rito, dahilan para maisip naming kumuha ng generator dahil may labis pa kaming pera. Para ito sa pag charge ng cellphone at laptop.
“Oo nga pala, ito yung plan. Ang kailangan natin ay sino-sino ang iinterviewhin.” Lahad ko kay Amir at doon hinarap sa kanya ang laptop. Tuluyan naman siyang umupo sa aming harapan.
Para sa aming magiging plano, sisimulan namin ang unang linggo sa immersion, kung saan ang pokus namin ay ang pang-araw-araw na pamumuhay, social structure, at reflexivity. Sa mga unang araw, makikisalamuha kami sa komunidad at mag-oobserba sa kanilang pangkaraniwang gawain.
“Kung paano ba sila gumigising, paraan ng paghahanda ng mga pagkain, pagtatrabaho sa palayan, at paano sila nakikipag-usap,” pagpapaliwanag ko sa kanila.
Hindi lamang namin titingnan ang kanilang kilos kundi sinusubukan din naming maramdaman ang alon kung paano sila mabuhay.
Isaalang-alang din namin ang karanasan at pananaw bilang mga mananaliksik, paano ba nakakaapekto ang presensya namin sa paraan kung paano sila mabuhay para mas lubos naming maintindihan ang isang komunidad.
“‘Yan ang magiging takbo sa first week natin dito.” Utas ko pa, “Para naman sa second week, ang focus natin ay yung livelihood, issues, at yung history,” pagpapatuloy ko.
“Puwede nating kausapin si Apo Lumawig at Tita Lola para sa history, sila ang mga matatanda rito sa Chaya,” suhestiyon naman ni Amir at doon ako tumango.
“Para naman sa third week maglalaro tayo sa pag-aaral sa culture nila,” bumaling ako ng tingin kay Ghon. “May record ka nung welcoming ceremony, Ghon?”
“Yes,” matipid nitong tugon sa akin.
“Feature natin yung mga rituals, mga mumbaki, at yung mga spiritual things na gamit nila.” Wika ko sa dalawa.
“Para sa last week, cross checking nalang tayo lahat ng aspects,” pagtatapos ko. “Kaya natin ‘to,” dagdag ko pa.
Mula pagkabata ay pagbabasa na ng mga libro ang hilig ko, history books ang kadalasan kong binabasa dahilan na siguro kung bakit Anthropology ang kinuha kong kurso. Hindi ko kasi maipaliwanag yung saya at contentment sa tuwing may nalalaman akong bago na matagal na palang nangyayari.
Kaya para sa huling requirements namin sa kursong ito, hindi na ako mag aatubiling ibuhos ang aking makakaya para maging successful ang study. Hindi lang ito para sa gradong aming makukuha, para ito sa bagong experience at learnings habang nandito kami sa Cordillera.
Ilang oras pa ang aming ginawang pag-uusap sa magiging takbo ay hindi namin namalayang nagsisimula na ring lumubog ang haring araw.
Nasa ganoong kaming puwesto ng may lumapit sa aming binatang nakasuot ng bahag dito sa aming kinauupuan.
“Kuya Amir.” Pagtawag nito sa lalaking nasa unahan ko. “I-mangan yu wada, para hi gabihan,” dagdag nito.
Doon na lang napalaki ang aking mga mata nang ilahad niya sa harapan namin ang dalawang manok na wala nang buhay. Hawak-hawak ng binata ang mga paa ng mga ito, nakalaylay ang mga pakpak habang dahan-dahan pa niyang ibinaba sa mesa.
Hindi ko man naintindihan ang huling sinabi niya, malinaw na malinaw naman sa akin na iyon ang magiging ulam namin mamayang gabi.
Hindi nga ako nagkamali.
Alas-siyete na ng gabi at ngayon ay nakaupo kami sa loob ng kubo, nakapalibot sa hapagkainan kung saan naghihintay ang kanin at ang adobong manok sa gitna. Kami ni Amir ang nagluto.
“Si Cali ang nagluto niyan, Bossing,” biro pa ni Amir habang sinusubuan ang sarili. Kakadating lang ng Bossing, suot pa rin ang puting long sleeve na pansin kong madumi na.
Umupo siya sa kaliwang bahagi, yung pwesto na madalas inuupuan ng padre de pamilya. Sa tabi ko si Ghon, sa kaliwa ko rin, parang nagsisilbing pader sa mapanghusgang titig ng Bossing. Si Amir naman ay nasa tapat naming dalawa, mukhang mas ganado pang mang-asar kaysa kumain.
Pinandidilatan ko ng mata ang lalaking ito. Alam kong may binabalak na naman itong kalokohan.
“It actually tastes good, Cali. You’re a great cook,” sabi ni Ghon habang patuloy sa pagkain. Napayuko ako sa hiya.
“Kaming dalawa nagluto,” biglang singit ni Amir bago pa ako makasagot. Napaubo pa siya nang pilit na mayabang.
“It’s a bit salty, kulang sa tubig,” dagdag pa ni Ghon, pero ang tingin niya ay diretsong nakatutok kay Amir na para bang inaasar pa.
At ayun na naman sila. Nagpapalitan ng tinging may bahid ng pang-aasar.
“Gumana yung generator, Amir?” Wika ng Bossing sa kaliwa.
“Yes, Bossing. Gumagana naman pero maingay nga lang,” sagot ni Amir sabay tawa. “Bukas na namin gagamitin, hindi pa naman kailangan,” dagdag pa nito.
Sandali pang katahimikan bago muling nagsalita si Ghon. “Are you not scared that you’re alone here, Bossing?” tanong niya sa lalaking nasa gilid, habang patuloy ang pagsubo ng pagkain.
“There’s nothing to be scared of,” matigas na sagot ng Bossing sa Ingles. “Walang dapat katakutan.”
Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, may hiya akong nararamdaman tuwing naroon siya.
Ramdam kong ilap siya sa akin. Sa tuwing magtatangka akong makipag-usap, nauudlot ang bibig ko kapag nagtama ang tingin namin, lalo na’t yung tingin niyang parang lagi nang may mali sa akin.
Nagpatuloy kami sa pagkain. Hanggang sa muling nagparamdam si Amir.
“Bossing, ano daw lasa ng luto ni Cali?” nakangisi niyang tanong. Nararamdaman ko na agad ang pag-init ng tenga ko, doon ko igininayak ang aking paa sa ilalim ng lamesa.
“Kung gus…ah aray ko!” Tuluyan ko siyang inapakan sa ilalim ng mesa. Napatingin siya sa akin, halatang nakuha ang mensaheng itigil mo ‘yan.
Rinig ko ang pigil na tawa ni Ghon sa tabi ko. Si Bossing naman…walang reaksyon.
Gusto ko nalang magpakain sa lupa dahi sa hiya. Idagdag pang bigla nalang siyang tumayo.
Tahimik niyang binitbit ang plato at umalis mula sa lamesa, tilang wala nang pakialam sa nagaganap. Sinundan ng mata ko ang hulma ng katawan niyang papalayo hanggang sa tuluyan na siyang pumasok sa kabilang kubo.
Nang mawala siya sa paningin ko, agad akong bumaling kay Amir.
“Amir, ano ba,” may diin at inis ang boses ko. Tinawanan niya lang ako.
“Anong ano ba?” sagot niyang parang inosente, natatawa pa.
“Pwede bang huwag mo akong pagtripan?” madiin kong wika.
“Hindi naman kita pinagtitripan. Tinutulungan na nga kita, eh.”
“Tinutulungan? Kita mo nga ‘yon, umalis bigla.”
“Siyempre tapos na siyang kumain,” tugon pa nito.
Hindi na ako nagsalita pa, hudyat sa pagsuko sa kanyang kakulitan. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain.
—
Ilang oras pa ang lumipas matapos ang nakahihiyang hapunang iyon. Nakatitig lang ako sa madilim na kisame, hinihintay na dapuan ng antok na ayaw akong lapitan. Taliwas sa akin, ang dalawang kasama ko ay parang sumali sa kompetisyon sa palakasan ng paghilik. Pati sa pagtulog, hindi sila nagpapatalo.
Dahan-dahan akong bumangon dahil naiihi na ako.
Napalingon ako sa dalawa, bagsak ang katawan, tulog na tulog, at tila walang pakialam sa mundo. Napangiti na lang ako sa mga unan na naghahati sa kanilang dalawa.
Iginayak ko ang aking sarili at marahan ang paglakad palabas ng kubo.
Pagbukas pa lang ng pinto, agad na nagtaasan ang aking balahibo. Ang lamig ng simoy ng hangin ay parang sumalubong na multo sa dilim ng gabi.
Mabilis kong naramdaman ang pangangatal na maging ang labi ko ay nanginginig. Hindi pa ako nakakahakbang ay muli akong bumalik sa loob para kunin ang puting kumot. Iniyakap ko iyon mula ulo hanggang bewang bago muling lumabas.
Sa madilim na pagitan ng dalawang kubo at sa malamig na simoy ng hangin, nagsimula akong maglakad papunta sa banyo.
Habang papalapit ako sa kabilang kubo, napalaki ang mga mata ko nang may lumabas mula roon.
Walang iba kung ‘di si Bossing.
“Ma…magandang gabi po,” bati ko, halos pabulong.
Hindi siya sumagot, tulad ng inaasahan ko. Diretso lang ang tingin niya sa akin, at sa sandaling iyon, pakiramdam ko pareho kaming nagulat na nagtagpo sa dilim.
Wala akong nagawa kundi yumuko bilang pag-galang at nagpatuloy papunta sa banyo.
Pagkatapos kong magbanyo, inayos ko muna ang pagkakabalot ng kumot sa katawan. Habang ginagawa ko iyon, may narinig akong mahihinang pagtapik ng gitara na parang may nag-aayos ng tono.
Humakbang ako pabalik, hinahanap kung saan galing ang tunog.
At hindi ako nagkamali.
Sa dilim, tanaw ko ang Bossing na nakaupo sa isang mahabang troso sa ilalim ng puno ng mangga. Nakatalikod siya sa akin, harap sa malawak na hagdan-hagdang palayan na ngayon ay pinapailawan lamang ng maliwanag na buwan at nagkikislapang bituin.
Tila itinakda ang lahat, ang katahimikan, ang lamig, ang liwanag ng buwan ay nakapalibot sa lalaking iyon at sa kanyang hawak-hawak na gitara.
Dahan-dahan akong lumapit. Hindi ko namalayang huminto ako sa paglakad. Doon lang ako, nakamasid sa likuran niya habang marahan niyang tinitipa ang gitara. Parang may inaaral siyang piyesa, malungkot, malamig, pamilyar sa hindi ko maipaliwanag na paraan.
Mas lalo kong naramdaman ang lamig ng simoy ng hangin. Iniyakap ko muli ang kumot sa katawan.
Sa bawat dampi ng hangin ay sumasabay ang tugtog ng kanyang gitara, parang binabayo ang katahimikan ng gabi. Ang bawat nota ay lumulutang sa pagitan namin, dahan-dahang lumalapit sa akin.
Hanggang may naramdaman akong kumikiliti at parang biglang kumakagat sa aking paa.
“Ah…aray!” halos talon ko habang tinatanggal ang mga langgam. “Aray ko!” Hindi ko na naisip na baka marinig ako ng Bossing.
Nang tuluyan kong maalis ang mga langgam, napabuntong-hininga ako at tumingin muli sa ilalim ng puno.
Wala na siya.
Parang hindi siya naroon kahit isang segundo lang ang nakalipas.
Muling bumalot ang katahimikan sa paligid. Napatingala na lang ako sa tirik na tirik na buwan, animo’y tanging saksi sa mga gabing gaya nito, malamig, tahimik, at puno ng hindi ko mabigkas na tanong.
Kumusta? Ang pag-pagiiwan mo ng komento sa kabanatang ito ay malaki nang pasasalamat bilang pagsuporta sa istroyang ito. Nais kong marinig ang inyong mga komento. Ingat!
Kabanata 6
T A K A S
December 1941, Baguio, Benguet
Alas-otso na ng gabi. Katatapos lang ng walang katapusang drills at physical training. Sa halos isang linggo ko rito sa camp ay hindi na ‘ata ako nakaranas ng isang gabing hindi sumasakit ang aking buong katawan.
“Para kanino ba itong ginagawa ko?” ang palaging mga tanong na aking sinasagot sa tuwing pumipikit ang aking mga mata sa pagtulog. Hindi lang ito basta para sa aking pamilya, ito ay para sa buong kapwa ko Pilipino, para sa bansang aking sinilangan, para sa bansang Pilipinas.
Nandito kami ngayon sa loob ng kantina, dito sa isang building ng Camp John Hay. Adobong manok ang nakahain sa harapan, dalawang sandok ng kanin ang nasa aking plato na tiyak ay mauubos ko dahil sa pagod na aking nararamdaman.
“Medyo maalat ang luto,” ang utas ng aking katabi.
Si Bon.
Isa sa unang mga naging kaibigan ko rito sa camp, siya rin ang isa sa kasama ko sa loob ng kwarto. Parehas kaming mga estudyante galing Manila na pansamantalang itinigil ang operasyon dahil sa mga hapon.
“Kainin mo nalang.” Tugon ko sa kanya habang patuloy ang aking pagkain.
Kaming dalawa lang ang nandito sa bilog na lamesa, siya ang nasa unahan ko. Samantalang punong-puno ng tropa ang ilang mga mesa rito sa maingay na kantina, parang may mga baboy na ngayon lang pinakain sa kanya-kanyang kural.
“Ano palang paborito mong pagkain?” pasumalang tanong nito sa akin habang patuloy ang kanyang pagsubo sa aking harapan.
“Sinigang,” tugon ko. “Kahit anong luto, basta sinigang. Mas masarap kung may gabi at sigarilyas.” Dagdag ko pa.
Tumango naman siya habang may sinisipat sa likuran ko.
Muli kong ipinagpatuloy ang pagkain.
“Shooting practice ulit pala tayo bukas.” Muli nitong wika. “Medyo hirap pa rin ako sa pagsipat, hirap talaga kapag malabo ang mata,” dagdag pa nito.
“Nasaan ba yung salamin mo?” tanong ko sa kanya habang patuloy sa pagsubo.
Napakamot siya ng ulo, “Hindi ko nga alam, may kumuha. Paglabas ko sa banyo, nawala nalang agad. Alam kong yung gagong ‘yon ang kumuha.” Inis nitong wika habang patuloy ang pagsipat niya ng kanyang matalim na mga mata sa aking likuran.
“Tigil mo ‘yan, mahuli ka pa ni Lieutenant tiyak na damay buong tropa.” Paalala ko sa kanyang ikinikilos.
Doon nito itinigil ang pagsipat sa aking likuran at muli niyang itinuloy ang pagkain.
Sa halos limampu na tropa, masasabi kong kami ni Bon ay hindi nahuhuli. Hindi kami sobrang ligsi, lakas, at tibay ngunit kami ay nakakasabay. Iba’t-iba man ang ugali ng mga taong kasama namin dito ngunit masasabi kong iisa lang ang gusto naming matupad.
“Kanina pa nakatingin sa ‘yo si Emilio.” Pasumala nitong wika. Patuloy ang kanyang pagsubo habang itinuturo nito sa aking likuran ang taong binanggit niya.
Dahan-dahan ko namang iginayak ang aking sarili para balingan ang taong unang nagpakilala sa akin dito sa camp. Hindi nga nagkakamali si Bon.
Ang lalaking ito ay nakatingin sa akin. May kaunting guhit ng ngiti sa kanyang mga labi, ang mga mata niya’y nangungusap na tila mayroon itong gustong sabihin sa akin.
Ngumiti nalang ako ng bahagya bilang pagbati bago ako muling humarap kay Bon.
“Baka may gusto siya sa ‘yo.” Walang pakundangang wika niya.
“Gago. Hindi puwede.” Mabilis kong tugon sa kanya.
“Bakit? May mali ba?” tugon niya at hindi ako nakasagot. “Gwapo ka naman. Sa katunayan ay maganda ka, Caloy.” Nabulunan ako sa idinagdag nito.
“Baliw! Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Bilisan mo na kumain diyan!” Natatawa at nahihiya kong wika sa kanya.
“Sus. Hiya ka lang eh,” natatawa nitong asar sa akin, “Pero paano kung gusto ka nga niya? Sabi mo na siya ang unang nagpakilala sa ‘yo, tapos tuwing nagkakalapit kayo ay pansin kong matamis ang mga tingin niya sa ‘yo. Noong nag pares-pares tayong training nung isang araw ay ikaw ang pinili niya. Tiyak na may gusto sa ‘yo.” Natatawa pa nitong dagdag sa akin.
“Tigil mo ‘yan,” natatawa at hiya ko paring tugon.
“Baka nga ano? Malay mo naman.”
Patuloy ang pang-aasar sa akin ni Bon nang bigla na lang may lumipad na plato sa mukha niya. Bumagsak ang kanin at ulam sa kanyang puting kamiseta na parang instant na pintura ng mantika at toyo. Napalaki ang mata ko, hindi pa nakakahinga, nang mabilis siyang tumayo mula sa upuan.
At doon ko lang namalayang may isang lalaki palang papalapit sa amin, sakto lang para salubungin ng malakas na suntok mula kay Bon.
“Gago ka ba!?” “Tangina mo ka!”
At bago ko pa sila mapigilan, nagpaulan na sila ng suntok. Para silang nahulog sa sariling mundo, nagpapalitan ng posisyon na minsan nasa ibabaw ang isa, maya-maya’y sila naman ang nasa sahig. Paikot-ikot sila sa madulas na sahig ng kantina na ngayon ay punong-puno ng sigawan.
Ang buong tropa ay nag-iingay na parang nasa sabungan. May naghihiyawan, may nagpapalakpakan, may sumisigaw ng “Suntok pa!” Mistulang may pusta ang lahat sa dalawang manok na ngayon ay nagsasagupan.
Pula at Berde. Sino ang mananalo?
“Bon!” sigaw ko habang pilit kong sinusunggaban ang braso niya upang huminto.
“Zameer!” sigaw naman ni Emilio habang pinipigilan ang kaibigan niyang parang mawawasak ang buong kantina sa galit.
Hirap kaming dalawa na pigilan ang dalawang “manok” dahil kahit saan sila tumuka, may kasamang mura, sumpa, at bawal na salitang may pihit ng galit at pagkalalaki.
Hanggang sa….
PWEET!
Isang malakas, mahaba, at malinaw na pagpito ang pumunit sa ingay ng kantina. Para iyong tabak na tumapos sa sabong.
“Paktay na,” bulong ng isa sa tropa. Walang nanalo. Walang bida. Walang palong iuuwi.
Papalapit si Lieutenant Dela Torre, mabigat ang yabag at malamig ang tingin. Nakahawak pa rin ako sa braso ni Bon na siya ang nagsisilbing “manok na pula” habang si Emilio naman ay nakasunggab pa sa “manok na berde.”
“Four of you! Fifteen laps on the field, now!”
At bago ko pa maipaliwanag na hindi naman ako kasali, natagpuan ko na lang ang sarili kong tumatakbo sa ilalim ng madilim na langit, kasama ang tatlong ulupong na halos hindi humihinga.
—
Malalim na ang gabi. Ilang oras na rin ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay hindi ako makatulog, kulang nalang ay magbilang ako ng libo-libong tupa para lang dapuan ng antok.
Ramdam ko rin sa oras na ito ang kirot mula sa aking binti dahil sa ginawang pagtakbo kanina. Halos malagutan din ako ng hininga matapos ang paikot-ikot na parusang iyon.
Ngayon ay kasalukuyan akong nakatitig sa madilim na kisame rito sa loob ng kwarto, nasa taas akong bahagi ng double deck habang nasa baba naman si Bon na ngayon ay malakas ang ginagawang paghilik na mistulang lumang plaka sa ingay nito. Bago matulog ay kita kong pasa-pasa ang kanyang mukha, dulot sa nangyari kanina sa kantina.
Mula noong isang linggo pa ay ramdam ko na ang tensyon sa pagitan nilang dalawa ni Zameer. Nagmula ito noong nahati ang tropa sa dalawang grupo, si Bon at Zameer ang naging mga lider para pangunahan ang isinagawang training competition. Tulad ng inaasahan sa dalawa, sila ay nagpataasan ng ihi at pataliman ng mga pangil, dahilan para mauwi sa mainit na sabungan.
Nanatili pa ako sa puwesto kong iyon nang ilang minuto bago ako nagdesisyong lumabas sa kwarto.
‘Di alintana ang malamig na klima rito sa lugar, paglabas ng pintuan ay dahan-dahan kong binaybay ang daan papunta sa banyo. Marahan at walang ingay ang aking ginawang bawat paghakbang, dahil tiyak na ako’y malilintikan kapag nahuli ng nasa taas.
Daan-daang pintuan ng dorm ang aking nadaanan, nakaharap sa mahabang hanay ng salamin na ngayon ay sinisinagan ng maliwanag na liwanag ng buwan
Habang patuloy sa pagbabay ay ako’y napatigil nang may naaninag akong pamilyar na anino sa labas ng building na ito. Lumapit ako sa may salamin at doon siya sinipat, hindi kalayuan mula rito aking puwesto.
Sa ilalim ng malaking puno ng mangga, “Emilio?” siya ngayon ay nakaupo sa mahabang troso habang nakakalong ang gitara at doon ko kitang tumitipa ng mga tono sa instrumentong hawak niya.
Taimtim ko siyang pinanonood mula sa loob ng may narinig akong papalapit na mga hakbang at anino mula sa flashlight. Mabilis kong tinumbok ang daan papalabas dito sa building na ito.
Mabigat ang aking mga paghinga dahil sa kaba.
Nagdesisyon akong tumbukin ang daan papunta sa malaking puno ng mangga kung saan nandoon ang lalaking iyon. “Hindi ba siya takot na baka mahuli?” wika ko nalang sa aking sarili.
Habang papalapit ako sa kinauupuan niya ay doon ko rinig ang marahan niyang pagtipa sa gitara. Parang may inaaral siyang piyesa, malungkot, malamig, at tila pamilyar sa hindi ko maipaliwanag na paraan.
Doon ko mas naramdaman ang lamig ng simoy ng hangin. Iginayak ko nalang ang aking mga braso papayapos sa aking katawan at nagdesisyong umupo sa trosong kanyang kinauupuan sa kaliwang bahagi.
Pag-upo ko sa kanyang tabi, “Bakit mo tinigil?” tanong ko, habang nakatingin ng diretso sa malawak na field kung saan kami tumakbo kanina.
Halatang nagulat siya sa presensya ko. Pinutol niya ang pagtipa, at marahang napangiti na parang hindi niya napigilan.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong niya, na may halong pagtataka.
Ang kanyang boses ay malalim at may lambing sa tono nito.
Dahan-dahan akong tumingin sa kanya.
“Ikaw? Anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t bawal tayong lumabas? Hindi ka ba natatakot mahuli?” balik kong tanong sa kanya.
Umangat ang gilid ng labi niya, may bahid ng tuwa.
“Kasama naman na kita,” sagot niyang natatawa habang iniaayos ang gitara sa tabi niya. “Pareho na tayong mahuhuli.”
Hindi ako nakaimik sa tugon niya sa akin. Pilit kong pinipigilan ang kumakawalang ngiti sa aking labi.
Muli nalang akong bumaling ng tingin sa harapan ng field at sa mataas at maliwanag na sikat ng buwan. Pansin kong ganoon din ang ginawa ng lalaking ito.
Sa ilalim ng puno ng mangga ay tahimik naming pinagmasdan ang madilim na kapaligiran kung saan tanging buwan ang nagsisilbing liwanag dito.
“Paano ka napunta rito?” utas niya sa aking gilid habang diretso lang ang tingin sa harapan.
“Pansamantalang sinarado yung unibersidad na pinapasukan ko,” panimula ko sa kuwento. “May ROTC kami sa course tapos nagkaroon ng recruitment para sa mga gustong maging trainee rito sa Baguio, sa lahat ng mga kaklase ko ay ako lang ang may gusto.” Segunda ko sa kanya.
“Ginusto mo ba talaga? Anong sabi ng mga magulang mo?” usisa nito.
“Ginusto ko. Pakiramdam ko kasi ay wala akong kwenta kung hindi ako kikilos para makipaglaban at itama ang dapat itama.” Tugon ko, “Wala namang ibang nasabi si nanay sa akin, siguraduhin ko lang daw na makakauwi ako nang buo at buhay.” Pagtatapos ko sa kwento ko.
Kita ko ang kanyang pagtango sa aking gilid.
“Ikaw?” bumaling ako ng tingin sa kanya, “Paano ka napunta rito? Anong sabi ng mga magulang mo?” segunda ko sa kanya.
Diretso ang kanyang tingin sa malinawag na buwan, rumehistro sa kanyang mukha ang hindi ko maipaliwanag na lungkot.
Huminga ito ng malalim bago siya sumagot sa tanong ko, “Wala na akong magulang,” tugon niya. “Pero may lola ako.” Segunda niya bago tumingin ng diretso sa akin.
Nakita ko namang muli ang matipid niyang pagngiti.
“Siyempre nagalit siya sa akin, nagalit sa amin ni Zameer.” Wika nito.
“Magpinsan kayo?” pagkumpirma ko at ito’y tumango.
“May sumadyang mga sundalo sa Barangay namin, naghahanap ng mga trainee para nga ipadala sa Bataan. Itong si Zameer ay akala’y kung saan lang kami pupunta, tuwang-tuwa pa nung sinabing dito sa Baguio ang lugar kung saan mag tetraining. Sumama nalang ako sa kanya.” Natatawa nitong kuwento.
“Taga saan kayo ni Zameer?” Tanong ko habang yapos-yapos ang sarili dahil sa lamig.
“Batangas,” tugon nito. “Ikaw?” balik niyang tanong.
“Maynila,” tugon ko sa kanya at ito’y tumango-tango.
Muli naming ibinalik ang aming mga tingin sa harapan bago damhin ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa aming balat. Rinig na rinig sa buong paligid ang mga kulisap galing sa mga insekto, ilang mga huni ng mga ibon, at ilang mga pagtahol mula sa asong ulol.
“Sumagi rin ba sa isip mo na baka hindi natin makita na nagtagumpay tayo sa laban na ‘to?” makabuluhan kong wika sa kanya…
“…isipin mo na nakalubog na sa hukay ang mga paa natin, itong pinasok natin, walang kasiguraduhan…” Hindi ko alam kung bakit ito ang mga salitang lumalabas sa bibig ko, may halong kaba akong nararamdaman dahil sa reyalidad ng pinasok namin dito.
Diretso parin ang aming mga tingin sa harapan at ilang segundong katahimikan ang namuwati bago siya nakasagot sa aking katanungan.
“Wala man akong mga magulang na naghihintay sa aking pag-uwi…” bumaling siya ng tingin sa akin.
“…pero alam kong may rason ako para mabuhay.” Makabuluhan niyang wika sa akin. Ako ngayon ay nakatingin ng diretso sa kanyang mga mata, na mistulang ito ang kanyang mga bibig na nangungusap.
Muli niyang ibinalik ang tingin sa harapan.
“Walang kasiguraduhan ang ipinasok natin at yun ang katotohanan, hanggat hindi tumitigil ang mga bansang ‘to na palawakin ang nasasakupan nila ay maraming mga inosente ang madadamay, mawawalan ng karapatan sa sarili nilang sinilangan.” Pagpapatuloy niya sa kanyang lintanya.
“Wala sa bokabularyo ko ang salitang pagsuko. Ilalaban at ilalaban ko ‘to, hindi lang para sa akin, kung hindi para sa ating mga kapwa Pilipino. Alam kong hindi pa tayo lubos na nakakalaya sa mga kamay ng Amerikano ngunit umaasa ako at naniniwalang sa dulo ay makikita ng aking mga mata ang pagkakaroon ng kalayan ng bansang ito.”
Hindi ako makapaniwala na ang mga salitang ito ay galing mismo sa kanyang bibig. Tulad ko, ramdam ko rin na gusto na niyang makita ang kalayaan ng Pilipinas sa mga kamay ng banyaga.
“Ikaw? Siguro…” wika nito, bumaling kami ng tingin sa isa’t-isa. “…Siguro may naghihintay sa ‘yong nobya kaya mo naitanong sakin ‘yan?” Pasumalang wika niya.
Gulat man sa kanyang katungan ay tumugon parin ako, “Wala pa akong nagiging kasintahan.” Tugon ko sa kanya.
“Bakit naman?” tanong nito.
“Hindi ko alam,” tugon ko sa kanya.
“Sa dami ng tao sa Maynila? Isipin mo, isa sa pinakamataong siyudad sa buong Timog Silangang Asya tapos wala mang nangahas na lumapit at pumorma sa ‘yo?” usisa pa niya at doon ako umiling at rinig kong may ibinulong ito.
“Ano?” utas ko.
“Wala.” tugon niya.
“Ikaw? May ka—” hindi ko pa natatapos ang aking sasabin nang doon nalang kami nakaaninag ng mga linawanag galing sa flashlight.
Mabilis kaming dumapa sa damuhan, nakatago sa likuran ng troso na kanina lang ay inuupuan namin. Kasabay ng lamig ng lupa ay ang biglaang pagragasa ng kaba sa dibdib ko, ito yung takot na isang maling galaw lang ay tuluyan na kaming mahuhuli.
“Gago,” bulong niya sa hangin, mahinang-mahina pero halatang kinakabahan din.
“Bakit kasi…” mahina kong sumbat habang sinusubukan kong kontrolin ang paghinga ko.
“Anong ‘bakit kasi’?” pabulong niyang tugon.
“Huwag kang maingay—”
Napapikit ako nang makarinig kami ng mga yabag na papalapit. Lumalamig ang hangin pero mas malamig ang kaba sa batok ko.
“Sisilipin ko,” bulong niya.
Nanatili akong nakapikit, parang batang nagtatago sa likod ng nanay dahil ginabi sa paglalaro.
Ramdam ko ang unti-unting paglapit ng panganib, yung kaba na parang ilang saglit lang ay masusuka.
“Nakatalikod. Tara.”
Napamulat ako nang maramdaman ko ang bigla niyang paghila sa akin, mabilis, mainit ang kamay, may pwersa. Tumakbo kami patungo sa likod ng malaking puno ng mangga.
Pero bago pa kami makarating ay bigla niyang nasagi ang kanyang gitara.
Bumagsak iyon sa damuhan at lumikha ng ingay, parang nagpakawala ng sigaw sa gitna ng katahimikan.
Mas lalong lumakas ang mga yabag at ang paikot-ikot na pagsusuri mula sa ilaw ng flashlight, alam kong si Lieutenant ang nagpapatrol ngayong gabi.
Halos tumigil ang oras ng mundo.
Mas lalo akong nanginig. Pati paghinga ko ay parang bawal. Nakatingin ako sa dating puwesto namin habang sinusuyod ng flashlight ang paligid, pataas, pababa, paikot na tila ba ay naghahanap ng dalawang kriminal.
Muli kong ipinikit ang mga mata at napabilang nalang mula sa sampu pababa.
Sampu… siyam… otso… pito…
Alam kong kapag umabot ako sa isa, katapusan na namin.
Anim… lima… apat… tatlo… dalawa…
Isang malakas na tunog ng metal ang umalingangaw na parang kaserolang nahulog. Nagmula ang ingay sa building kung saan nandoon ang kantina. Diretsong napako doon ang liwanag ng flashlight, at ilang segundo lang, narinig namin ang yabag na papalayo.
Napakabigat ng hiningang pinakawalan ko. Hudyat na hindi nahuli ng pulis ang dalawang kriminal.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at doon ko lang napagtanto ang aming pwesto.
Ang aking mga braso ay nakayakap sa kanyang malapad na katawan. Ang mga braso nito ay nakayakap din sa akin mula sa likod, parang proteksyon na hindi ko hiningi pero hindi ko rin tinanggihan.
Unti-unti akong tumingala.
Ang mukha niyang malapit. Sobrang lapit. Ramdam ko ang init ng kanyang hininga na kahit giniginaw ang buong paligid ay ramdam ko ang init nito. Ang mga mata niya ay nangungusap, matalim, pero hindi nakakatakot. Tila may sinasabi na hindi tumatakas mula sa labi niya.
“Ayos ka lang?” halos pabulong nitong tanong sa akin.
Parang nanginig ang tuhod ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa takot… o dahil sa boses niyang parang hinugot mula sa pinakamalalim na bahagi ng gabi.
Hindi ako nakasagot, tila ako’y tinanggalan ng kakayahang makapagsalita. Ang kaba at takot na aking nararamdaman ay napalitan ng bilis ng pagtibok ng aking puso na ngayon ko lang naramdaman.
“Hindi tayo mahuhuli,” dagdag niya, saka bahagyang ngumiti. Ang mga ngiti niyang parang ilang beses ko nang nasasaksihan.
Lumipas pa ang ilang segundo na ganoon ang posisyon namin na mahigpit ang yakap, malalim ang hinga, at tahimik ang lahat.
Hanggang sa bigla kong naalala ang sarili ko.
Dahan-dahan akong kumalas mula sa kanyang mga bisig, pinilit ayusin ang suot kong damit na hindi naman gusot, at doon itinago ang mukha ko sa hiya na halos hindi ko maipinta.
“Pa…Pasensya na,” tanging nabulalas ng aking bibig.
Hahakbang palang ako papaalis sa aming kinatatayuan ng doon ko naramdaman ang mahigpit niyang pagpigil sa aking kanang kamay.
“Caloy.” Seryosong pagtawag niya sa aking ngalan.
Bahagya akong bumaling ng tingin sa kanya, ngunit doon ko iginayak ang aking sarili paalis sa pagkakahawak niya. Hindi dahil sa galit, kung hindi dahil sa hindi ko maipaliwanag na aking nararamdaman.
Kabanata 7
P A K B E T
“You heard the loud shout last night, Cali?” tanong ni Ghon sa akin.
Umiling ako dahil wala akong narinig kagabi. Bagkus ay muli akong dinala sa dimensyon ng aking panaginip na para bang nandoon ako sa senaryong iyon.
“I actually don’t know if that’s from a person, or it’s just a howl.” Segunda niya matapos maisaayos ang mga plato sa hapagkainan.
Kasalukuyan naming inaayos ni Ghon ang lamesa na pagkakainan ngayong tanghalian. Ito ang magsisilbing unang kain namin ngayong araw dahil kape, laptop, at ilang mga papel ang aming naging almusal. Paghahanda sa gagawin naming interview mamayang hapon.
“Baka minumulto ka?” Boses iyon mula kay Amir na ngayon ay inilapag ang lutong ulam.
Pinagtulungan naming niluto ng lalaking ito ang pakbet at pritong galunggong na binili nilang dalawa ni Ghon kanina sa sentro.
“Hell no!” Pag-ayaw naman ni Ghon kasabay ang pag upo nito sa upuan, dito sa tabi ko.
“Hell no, hell no ka diyan. Walang pinipili ang mga espiritu rito sa Ifugao, bisita ka man o lokal ay kapag gumawa ka ng bagay na hindi nila gusto ay talagang mapaparusahan ka nila.” Lahad naman ni Amir kasabay nang pag upo niya sa aming harapan.
“Wala pa naman akong ginagawang masama to provoke them.” Tugon naman ni Ghon.
“Sa akin meron, provoke na provoke ako sa malakas na sipa mo,” panimulang asar ni Amir. “Sa labas na kita patutulugin, para kang kiti-kiti kung matulog.” Dagdag pa nito.
Walang ibang naging sagot si Ghon kung hindi ang pagbungisngis sa gilid ko. Natuwa naman ako na hindi na ito gumatong pa, para bang may pagbabago sa kanilang dalawa.
“Cali.” Pagtawag sa akin ni Amir.
Bumaling ako ng tingin sa kanya at doon nag-antay ng sasabihin nito.
Imbis na sabihin niya ang gustong iparating, iginayak niya ang kanyang mga labi para ituro ang lalaking nasa ilalim ng puno ng mangga, bumaling naman ako ng tingin doon.
Kasalukuyan itong naka-upo sa troso habang seryosong inihihiwalay ang mga tuyong palay sa pagkakakapit nito sa tangkay o tinatawag nilang dayami. Isinisilid niya ang mga butil ng palay sa sako, kung saan ito ang babayuhin para makagawa ng bigas.
“Sabihin mo kakain na,” wika ni Amir nang maramdaman niyang hindi ako tumatayo sa pagkakaupo.
Itinaas ko nalang ang aking kilay hudyat na hindi ko ito gustong tawagin.
“Bilisan mo na,” pagpupumilit pa nito sa akin.
Wala akong nagawa kung ’di ang tumayo sa pagkakaupo. Hindi na ako nagreklamo, mabigat ang paang humahakbang papalapit sa puwesto niya.
Nakabaling lang ang aking tingin sa kanya habang patuloy ito sa seryoso niyang ginagawa. Kulay puti ang suot nitong kamiseta na sinamahan ng maluwag na itim na hanging pants. Iba sa suot kong itim na polo at jorts.
“Bossing.” Pagtawag ko sa kanya nang tumigil ako sa harapan nito.
Hindi ito bumaling sa akin tulad ng inaasahan, patuloy siya sa ginagawa niya. “Kakain na po.” Dagdag ko pa, hindi ito kumibo na tila parang isang bingi.
Hindi na ako nag protesta pa, tumalikod ako sa kanyang pwesto at muling humakbang pabalik sa kubo. Doon ko nakitang pinagtatawanan ako ng dalawang ulupong, tila sinadya nilang ako ang tumawag sa kanya.
“Napaka-sungit.” Mahinang bulong ko nalang sa hangin na lalong ikinatawa ng dalawa.
“Just relax, ice can melt.” Makahulugang wika ni Ghon nang makaupo ako sa tabi niya, “Maybe you should try to be more patient.” Dagdag pa nito.
Hindi ko ba alam kung pinagtitripan lang ako ng lalaking iyon, o pinagtiripan ako ng tatlong ito. Sa aming tatlo kasi nila Ghon at Amir, ako lang ang hindi kinikibo ng Bossing. Sa tuwing nakikita ako ng dalawa na hindi pinapansin ng Bossing ay pinagtatawanan nila ako.
Doon na ako nagsimulang sumandok ng kanin sa kaldero, ’di ko na kinibo pa ang dalawang ito.
“Kain na Bossing.” Aya ni Amir sa lalaking kalalapit lang dito. Hindi ko ito binabalingan ng tingin, ako’y patuloy sa pagsandok ng kanin at ulam.
“Luto ni Cali, Bossing. Pakbet.” Pangunang asar ng lalaking nasa harapan ko.
Kung nakamamatay lang ang tingin ay kanina pa nakabulagta si Amir.
“You can be a five star chef, Cali. Galing mo magluto, masarap pa.” Gatong pang-aasar ni Ghon sa tabi ko.
Hindi na ako kumibo pa at itinuloy ko nalang ang pagkain.
“Bossing.” Wika ni Amir na ngayon ay kumakain na rin.
“Totoo ba yung sabi-sabi na may magtatayo ng resort at viewing deck sa taas?” dagdag pa nito. “Sabi kanina nung bumaba kami, may magtatayo nga raw. Tapos may nag survey raw kahapon doon sa sentro at nangako na magbibigay ng trabaho sa iba.”
Kita ko ang pagtango ng lalaki sa gilid na ngayon ay kumakain na rin.
“Isn’t this land protected? I mean, it’s under the UNESCO Heritage so it shouldn’t be destroyed.”
Protesta ni Ghon habang abala kami sa pagkain. Kita ko ang pagkuyom ng kanyang panga hudyat na hindi niya rin gusto ang balita.
“This land is a national cultural treasure. Bakit pumapayag ang local government or the government itself?” dagdag pa niya.
“Ang ilang sa bahagi ng lupang ito ay hindi kasama sa UNESCO protected zone,” panimula ng Bossing, matigas at diretso ang kanyang boses.
“Ang ibang lupa ay pagmamay-ari ng ilang tao, pero wala silang balak na sirain ito.” Tahimik kaming nakinig sa bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig.
“Tungkol sa magpapatayo ng resort, wala pang maayos na usapan tungkol diyan,” pagpapatuloy niya. “Ang alam ko’y nagbabalak palang, pero hindi ganoon lang basta kadali ang gagawin nila.”
“This land should be protected,” kontra ni Ghon, halos pabulong ngunit puno ng tindig. “It shouldn’t be destroyed. It should be treasured.”
“Ang labis na kapangyarihan ay minsang pinagmumulan ng kasamaan,” tugon ng Bossing, mabagal at mabigat ang tono. “Kalapastanganan ang ginagawa nila rito sa ating lupa.”
Natigilan kami. Sa tono niya, ramdam naming hindi ito basta kwento kung ’di ito ay paninindigan.
“Hindi man kasama sa linya ng proteksyon ang lupang iyon…” huli niyang sabi, mas mababa ang boses, “…pero protektadong-protektado ’yon ng mga espirito.”
Kabanata 8
P I N A D I N G
“Hiya hi Maria Bugan Licyayo, maphod hi immali-ak di man-amma ditoy Mayoyao.” Ang pagpapakilala ng matanda sa amin.
Alas-kwatro na ng hapon, si Lola Maria na ang ikatlong lokal na iniinterview namin dito sa Barangay Chaya, Mayoyao, Ifugao.
Para sa unang linggo, dedikado sa pag-aaral na ’to ang pakikisalamuha sa buong komunidad at pag-oobserba sa kanilang mga pangkaraniwang gawain.
Tulad ng paano sila gumigising, paghahanda ng pagkain, pagtatrabaho sa palayan at ilang mga pampalipas oras nilang ginagawa. Nakapag interview na kami ng ilang mga magsasaka at ilang mga ilaw ng tahanan kanina.
“Mag-tagalog nalang ako? Itagalog ko na lang.” Nakangiti niyang wika sa amin, sabay-sabay kaming tumango.
Ngayon ay nandito kami sa loob ng maliit na tahanan ni Lola Maria, gawa sa pinagtagpi-tagping yero ang kanyang tinitirhan.
Kami ngayon ay nasa sala, nakaupo sa upuang gawa sa kawayan, sa gitna namin ay isang lamesita kung saan nakapatong ang tsaa at tubo.
Si Ghon ay nasa likuran ko kung saan patuloy ang kanyang pagkuha ng video, ako naman ay may hawak na notebook na naglalaman ng ilang mga tanong at ballpen para sa pagsusulat ng mahahalagang impormasyon nitong sinasabi.
Samantalang si Amir naman ay patuloy ang pag-nguya ng tubo o sugar cane habang prenteng nakaupo sa gilid ng matanda.
“Sige po. Kung saan po kayo mas magiging komportable.” Nakangiti kong tugon sa kanya.
“Ako si Maria Bugan Licyayo, isa sa mga matatandang magsasaka dito sa Mayoyao Ifugao. Ako ay sitenta’y anyos na, walang asawa’t anak.” Pagpapakilala niya sa amin.
“Ano po ang madalas niyong ginagawa bukod sa pagsasaka?” Tanong ko sa kanya.
Malapad ang pagkakangiti ng matanda, wala kang mababasang lungkot sa kanyang mata.
“Bukod sa pagsasaka,” panimula nitong tugon.
“Ako ay naghahabi ng damit at kumot. Itong suot ko ay aking gawa,” lahad ng matanda habang ibinibida ang kanyang suot na damit, mabusisi ang pattern na pansing pinaglaanan ng oras. Bagay ang pagsasama-sama ng kulay pula, itim at berde na sinulid dito.
“Gaano po katagal ang pag gawa niyo ng damit o kumot?”
“Noong medyo malakas-lakas pa ang pwersa ko, inaabot ng isang linggo ang tapis na damit. Pero ngayon, medyo mahina na ang pwersa ko ay inaabot ng dalawa hanggang tatlong linggo ang pang-itaas na damit,” lahad nito sa amin.
“Para sa inyo, ano po ba ang paghahabi?”
“Ang paghahabi ay hindi lang isang gawaing pampalipas oras…” tugon ng matanda.
“…ito ay isang gawaing nagpapakita ng sining at kultura. Ito rin ay paraan kung saan mapapanatili ang kultura at tradisyon lalo na rito sa Cordillera, ang hinabi ay pwedeng gamiting damit, tapis, kumot, at palamuti sa bahay.” Pormal na paglalahad ng matanda.
“Sa tingin niyo po ba ay unti-unti nang nawawala ang kultura rito sa Cordillera?”
“Ay sa totoo lang hindi naman natin mapipigalan ang reyalidad, diba?” tugon nito.
“Kung mapapansin niyo sa palayan, iilan lang sa mga binata at dalaga ang marunong mag tanim ng palay, mag ayos ng irigasyon, magsaka. Iilan ang marunong mag alaga ng hayop, maghabi ng damit, magluto at gumawa sa katutubong paraan. Hindi ko masasabing nawawala, pero umuunti.”
“Alam natin at alam niyo na mas madaming oportunidad sa lungsod. Pero kung ako’y papipiliin, mas gusto kong manirahan nalang dito sa Ifugao. Mag isa lang naman ako, wala akong ibang binubuhay kung hindi ang aking sarili.” Nakangiting wika ng matanda.
“Wala akong ibang maaasahan at hindi ako humihingi ng mag aaruga at mag aalaga sa akin, matapos mawala ang aking ama at ina ay pinili kong mag-isa, nabuhay ako ng mag-isa at mamamatay akong mag-isa.” Nakangiti paring paglalahad ng matanda.
Si Amir naman ay sumabat habang nguya-nguya pa rin ang tubo, “’Wag namang ganon, Lola. Huwag ka munang mamatay.”
“Loko-loko, hindi ko sinabing ngayon ako mamamatay.” Natatawang wika ng matanda sabay batok kay Amir.
Napatawa na lamang kaming dalawa ni Ghon sa aming nasasaksihan. Batid kong masiyahin talaga ang matanda, parang wala siyang puwang para sa lungkot, kahit na alam kong matagal na siyang mag-isa rito sa lugar.
“O siya, kayo nga muna ay magpahinga. Inumin niyo itong tsaa, baka lumamig pa,” ani ni Lola Maria habang inaabot ang plato kung saan nakapatong ang mga tasa ng tsaa.
Binalingan ko ng tingin ang mga tasang puti na may lumalabas pang manipis na usok. “Rice tea,” paliwanag niya, nakangiti. “Gawa ’yan sa tinustang bigas.”
Kinuha ko ang isang tasa at inabot kay Ghon na nakatayo sa aking likuran. “Kung medyo mapait, lagyan niyo ng asukal,” dagdag pa ni Lola Maria. “Pwede rin na habang humihigop kayo, kagatin niyo itong tubo, mas lumalabas ang tamis, bagay na bagay sa lasa.”
Kinuha ko ang isa pang tasa para sa sarili ko. Saglit ko pa itong tinitigan. Kulay-tsaa nga, at sa ilalim ay may maiitim na butil ng tustadong bigas. Hindi na ako nagprotesta at dahan-dahan kong tinikman.
Mainit. Mapait na may banayad na tamis. Para bang may naiiwang lasang lupa at araw na hindi ko akalaing pwede palang gawing tsaa ang tustadong bigas.
Patuloy ang aming paghigop sa tsaa nang may marinig nalang kaming sigawan at komosyon sa labas ng bahay ni Lola Maria.
Dali-dali kaming tumayo sa pagkakaupo at lumabas ng bahay para makiusisa.
Ilang dipa mula sa aming kinatatayuan ay isang kaguluhan ang sumalubong sa aking paningin, madaming mga taga-rito ang nakapalibot at umuusisa na tila takot sa kanilang nasasaksihan.
May isang lalaki ang nagwawala na para itong sinasapian.
Kita kong hawak-hawak siya ni Lolo Edgar at ng ilang mga kalalakihan. Matigas at mariin ang kanilang pagkakahawak sa dalawang paa at kamay nito na parang isang baboy na nagpupumiglas dahil sa takot na katayin.
“Bantay…bantay… bantay…” ang sigaw at pagpupumiglas ng lalaki, bakas sa kanyang mukha ang galit dahil nangingilid ang kanyang mga ugat, ang mga mata niya ay nanglilisik.
“Ay yana! Pangibkaliyun nan muyung!” patuloy nitong sigaw sa lenggwaheng hindi ko maintindihan, ang boses nito ay parang umaalingawngaw na gong, hindi pangkaraniwan, nakakatakot na talagang tataas ang balahibo mo.
Napaigtad ako ng doon tumakbo si Ghon, Amir at Lola Maria papalapit kay Tita Lola na ngayon ay bakas sa kanyang mukha ang takot habang paulit-ulit itong nagsasalita na tila bulong at dasal para sa lalaking sinasapian.
“Inwayay yu nan banbantay… ay maphod!” patuloy na pagwawala ng lalaki.
“Appit yu hin pinpinhod!” ang sigaw ni Lolo Edgar sa mga lalaking pumipigil sa sinasapian.
Batid kong mas pinahigpit ni Lolo ang kapit, dahil sa bawat bulong na ginagawa ni Tita Lola sa harapan ay doon umaangat ang katawan ng lalaki.
“Gubat ko… gubat ko…” kasabay ng pagsigaw ng lalaking sinasapian ay doon sumabay ang malakas na pagkulog at kidlat sa langit.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko, nakabaling lang nang diretso ang aking tingin sa komosyong nangyayari sa harapan.
Si Ghon at Amir ay nakitulong na rin sa pagpigil sa lalaking sinasapian.
Mas bumilis at lumakas ang pagdadasal ni Tita Lola sa harapan.
Ramdam ko ang takot ng mga batang nasasaksihan ang nangyayari at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang dumilim ang kalangitan na tila sinabayan ng bawat pag sigaw ng lalaking nagwawala sa harapan.
Sa bawat malakas na pagsigaw ng lalaki, kasabay ng sunod-sunod na pagkulog at kidlat ay doon ako napapikit na para bang may enerhiyang umiikot-ikot sa aking ulo.
Bahagya kong pinisil-pisil ang aking sintido kasabay nang muling pagbaling ng tingin sa harapan habang patay malisyang hindi pinapansin ang walang mukhang bulto ng katawan sa tabi ko.
Ngayon na lang muli siyang nagparamdam sa akin. Suot niya pa rin ay hindi nagbabago, kupas at tila pinaglumaang unipormeng pang sundalo.
Patuloy ang pagwawala ng lalaki sa harapan, kasabay noon ay ang pagkulog ng kalangitan.
Maya-maya pa ay nakarinig nalang kami ng mga yabag na papalapit sa komosyon.
Mistulang bumagal ang oras sa paligid.
Ang paningin at mga mata ng mga taga-rito ay bumaling sa lalaking naglalakad papalapit…
“Bossing!” “Si Bossing!” “Boss!”
Sigaw ng mga taga-rito, mula sa bata, matanda, babae, lalaki. Tila hinihintay ang kanyang pagdating.
Tulad nila, napako rin ang aking paningin.
Mistula ito ang unang beses ko siyang nakita, ang suot nito ay hindi aking inaasahan na semi-pormal.
Ang suot niya ay pang-katutubo.
Pang mumbaki.
Suot nito’y chaleco na maingat ang pagkakahabi sa kulay pula, itim, at dilaw na sinulid. Dahilan para makita ang kanyang malapad na mga braso, ang kanyang dibdib at walang tiyan ay makikita rin. Sa loob ng chaleco ay tila may itinatagong mga tattoo rito.
May suot itong necklace na itim na may mga nakalawit na parang pangil. Sa ulo niya’y nakapulupot ang telang gawa rin sa kanyang damit.
Bumaba ang aking tingin sa suot niyang tapis na bahag, ito rin ay gawa sa maingat na paghahabi. Agaw-pansin ang matigas at tila mabatong binti nito na tiyak batak sa pagtatrabaho.
Kayumanggi ang kulay ng buo niyang katawan.
Napatingin ako sa mga taga-rito. Ang takot sa kanilang mukha ay napalitan ng pagkamangha, halos pagsamba. Para bang isang diyos o mandirigmang bumaba sa bundok para iligtas sila.
Para siyang alamat na biglang naging totoo.
Doon ko rin naramdaman na ang walang mukhang bulto ng katawan sa tabi ko ay wala na.
Saksi kong lumapit ang Bossing sa tabi ni Tita Lola, doon may ibinulong ang matanda kasabay ng pag-alis niya sa kanyang ginagawang pagdadasal.
Huminto si Bossing sa harap niya. Hindi siya nagpakita ng takot, ni pag-aalinlangan.
“Mu-ma’ingit ka! Eda ya mun-angngibablan hi bale-k!” galit na salubong ng lalaki kay Bossing.
Tumigil ito sa pagwawala at doon tila kinakausap ang nasa harapan niya.
Kita kong nakahawak parin sila Amir at Ghon.
“Am-ammod-k ya maphod di ammok ya ngam mu adi dayu di ongnga nga dalan,” mahinahong wika ng Bossing, mababa at mabigat ang boses.
Hindi ko man maintindihan ang salita, ramdam ko ay may nilabag ang lalaking ito. Hindi lang batas ng tao, kung ’di batas ng lupa.
“Hindi! Gubat ko! Gubat ko…” sigaw ng lalaki, halos paos, halos umiiyak.
Walang pag-aatubili, iniunat ni Bossing ang kanyang kamay at hinawakan ang ulo ng lalaki. Mahigpit. Matatag.
Pumikit siya.
At nagsimula siyang magdasal.
Hindi lang basta isang dasal.
Chant. Huni. Ritwal. Awit.
Para bang unti-unting gumagalaw ang hangin sa paligid namin.
At doon ko lalo naramdaman…
Hindi basta tao ang kausap ng Bossing.
May espiritu sa pagitan nila.
“Ay! Ay! Kabunyan!
Pahuyop yo nan nalpud muyung!
Ay taga-bantay, ibalik yo nan ngilin!
Dika mun dungdungan nan hidi!
Pumanaw ka! Pumanaw ka!“
Kasabay ng chanting ni Bossing ay doon mas lumakas ang pwersa ng lalaking sinasapian. Pana’y ang sigaw nito na wala nang nakakaintindi.
“Lumayo ka, Pinading.
Ay hi
muyung
di
ka
.“
Muling pumipintig ang aking sintido sa nararamdaman kong enerhiya na nagmumula sa mga dasal, sigaw, kulog, kidlat, at sa hindi ko malamang sunod-sunod na tunog ng gong.
“Lumayo ka, Pinading.
Ay hi muyung di ka.
Ay hi lupa mi.
Ibbawing yo nan lendungan!“
Mas lalo pang lumakas ang pagdadasal ni Bossing na mula sa mahinahong himig ay naging isang matigas, malalim, at paulit-ulit na awit-ritwal.
Sa bawat pagbigkas niya, para bang gumagalaw ang lupa sa ilalim ng aming mga paa.
Kasabay nito, mas lumakas ang pagpupumiglas ng lalaki. Halos matanggal sa hawak nina Amir at Ghon ang kanyang mga braso.
Nagwawala na parang baboy. Umiikot ang mga mata. Para bang may dalawang kaluluwa sa loob ng iisang katawan.
Ang lahat ay napatigil at nakatuon ang tingin sa kanila.
At doon, isang malakas na tunog ng gong.
Isang tunog na parang nanggaling sa pinakailalim ng lupa.
Kasabay nito’y tumigil ang kulog, pati kidlat na kanina ay sunod-sunod.
At ang lalaki ay nakabulagta na sa lupa.
Dahan-dahang yumuko ang Bossing. Nilapit ang kanyang labi sa sentido ng lalaki at marahang hinipan. Isang maiksi ngunit mabigat na hininga na tila ito ang huling bahagi ng dasal.
Tahimik ang buong lugar.
Nagbubulungan ang mga tao.
Tumayo si Bossing at walang bakas ng pagod, kahit takot, o galit. Parang alam niyang ganoon lang dapat ang nangyari.
May ibinulong siya kay Tita Lola na hindi ko narinig, pero napansin kong bahagyang tumango ang matanda, para bang alam na niya ang susunod na gagawin.
At pagkatapos…
Humakbang ang Bossing.
Humakbang dire-diretsong papalapit sa pwesto ko.
Dahan-dahan. Mabigat. Na para bang bawat hakbang niya’y may kasamang utos sa hangin.
Napako ang tingin ko sa kanya.
Muling bumaling ang paningin ko sa chaleco niyang pula, na tila gusto kong makita ang tattoo na nagtatago sa likod nito.
Sa mga mata niyang hindi ko mabasa. Sa bigat ng presensya niyang parang sinasakop ang buong paligid.
At doon ko nalang naramdaman…
Nasa harapan ko na siya.
Wala akong ideya kung bakit siya nandito o bakit ganoon ang paraan ng pagtingin niya sa akin.
“Anong gusto niya? Anong gagawin ko?”
“Gusto niya bang makita kong nakasuot siya ng ganyan? Oo na… maganda at maangas ang katawan niya.”
Halos hindi ako makagalaw.
Seryoso ang mukha niya, matigas ang panga, habang ako naman ay nakatingin sa kanya, clueless, nagtataka, at bahagyang kinakabahan.
Bahagya siyang tumingin mula ulo hanggang paa, isang mabilis na pagdaan lang, pero sapat para maramdaman kong parang tinimbang niya ako, muli niyang hinuhusgahan ang pagkatao ko.
“Bossing?” basag ko sa katahimikan.
Hindi siya sumagot. Hindi man lamang kumurap.
Nananatili lang kami sa ganoong puwesto nang ilang segundo pero pakiramdam ko ay napakahaba.
Doon ko na napansin ang papalapit na sina Ghon at Amir.
“Bossing,” tawag ni Amir mula sa likuran niya.
Lumapit si Ghon sa tabi ko, at binalingan ako ng tingin na parang nagtatanong “Ano ’yon? Ano nangyari?”
Dahan-dahang bumaling si Bossing kay Amir, saka lamang niya binitawan ang titig sa akin.
“’Wag kayong magpapagabi.” Mababa, malalim nitong wika na parang may ibang ibig sabihin.
Pagkasabi noon, tumalikod siya at tuluyang naglakad papalayo.
Kumusta? Ang pag-pagiiwan mo ng komento sa kabanatang ito ay malaki nang pasasalamat bilang pagsuporta sa istroyang ito. Nais kong marinig ang inyong mga komento. Ingat!
Kabanata 9
M U M B A K I
Alas-otso na ng gabi. Kasalukuyan kaming nakaupo rito sa damuhan sa ilalim ng puno ng mangga. Katabi ko si Ghon habang nasa harapan namin si Amir at Lolo Edgar, sa gitna namin ay ang maliit na bonfire na nagsisilbing yapos sa malamig na simoy ng hangin.
Patuloy ang kanilang pagkukwentuhan, habang ang aking mga braso ay nakalingkis sa aking katawan kasabay nang pakikinig nang tahimik sa kanila.
“Here in Ifugao, we have different kinds of Mumbaki.” Panimulang kuwento ng matanda, matinis ang boses ni Lolo Edgar ngunit matigas ang kanilang Ingles.
“Different kinds?” usisang wika ni Ghon sa tabi ko habang inililiyad niya ang kanyang mga kamay sa apoy.
“Yes, different kinds.” Tugon ng matanda.
Doon kami taimtim na nakinig sa paglalahad ni Lolo Edgar.
“Mumbaki ad Buhul or the sacrifice specialist, I am that kind of Mumbaki. We are experts for sacrificing chickens and pigs during rituals. We can read the behavior and the organs of an animal to capture the message that the spirit wants us to know.” Lahad ng matanda.
“Do the Ifugao people believe that animals can predict or signal disasters?” Muling tanong ni Ghon sa tabi ko na ngayon ay dinadama sa mukha niya ang init ng kanyang palad.
Si Amir naman ay tumango.
“Yes. We believe that animals, especially the chickens and the pigs that are used in the baki and by observing their behavior, organs or reactions, the mumbaki interpret the warnings and messages from the spirits.”
“For example, if the chicken suddenly escapes it means a bad omen. Kapag sobrang ingay ng baboy, it can be a warning of misfortune at panganib.” Panapos ng matanda.
Doon nalang kami napatango, kasabay ng kuwento ni Lolo Edgar ay ang pagdama sa mainit na bonfire sa harapan.
“Sunod ay Agricultural Mumbaki. Madalas sila ang nagriritwal bago mag-ani o bago magtanim ng palay. They can also perform a ritwal everytime there will be a house that will build.”
“An Elder Mumbaki. Sila ang gumagawa ng pinakamalaking ritwal tulad ng Uyauy, a ritual for the wedding of high ranking. Sila rin ang nagtuturo sa mga bata at matatandang gustong maging mumbaki.”
Tahimik kaming nakikinig sa matanda.
“Si Apo Lumawig, isang Elder Mumbaki.” Sabat naman ni Amir.
“Mumbaki di Ayag. A ritual healer. Sila ang nagriritwal para magpagaling nang may sakit. Sila rin ang nagtataboy ng mga masasamang espirito.” Patuloy na kwento ng matanda.
“Bossing is a ritual healer, right?” wika ni Ghon.
Umiling ang matanda.
“Bossing is a general ritual mumbaki. He is all around. He can do all of the rituals of the mumbaki. If one mumbaki can’t perform the said ritual, we can call Bossing to do it. There’s something that he can do that I can’t do.” Paliwanag nito sa amin.
Wala ang Bossing na ito, muli siyang bumababa sa sentro dahil bukod sa isang lalaking sinapian kanina ay may dalawa pang sumunod.
“The spirits here in Ifugao are all kind. Mababait sila. Sila ang tumutulong sa aming masaganang pag-aani, hindi nawawala ang irigasyon ng tubig na nagmumula sa tuktok ng bundok. Sometimes, they answer our prayers.” Muling pagkukuwento ng matanda sa wikang Ingles.
Tahimik kaming nakikinig, habang ang lamig ng gabi ay tila sumasaluksok na sa aming mga buto, ’di na tumatalab ang init ng apoy sa harapan.
“Pero ilan sa mga taga-rito, pati mga dayo…inaabuso nila ang kabaitan ng mga espiritu,” patuloy niya, napapailing.
“Tulad ngayon. Silang tatlo na purong dugong Ifugao…” bahagya niyang itinuro ang ibaba, patukoy sa tatlong lalaking sinapian kanina.
“Nagpabulag sila sa pera. Imbis na protektahan ang ibinigay na lupa, sila pa ang naengganyong tumulong sa mga dayuhan para sirain ang sariling tirahan.”
Ramdam ko ang lungkot sa boses ni Lolo Edgar, hindi galit, kung ’di pagkadismaya.
“Sinong dehado?” aniya. “Wala pang kasiguraduhan kung itutuloy ang plano, pero tingnan ninyo…” napabuntong-hininga siya, “…sila na agad ang pinaparusahan ng mga espiritu.”
“Different kinds of spirits?” tanong ni Ghon.
Tumango ang matanda.
“Si Pinading. A nature spirit ang bantay ng kabundukan. Kasama niya si Nataguwan. Hindi sila masasama, pero kapag nilapastangan ang kanilang tinitirhan…tiyak na ika’y paparusahan.”
Muli kong naalala ang mga mata ng lalaking sinapian kanina, malabo, nagwawala, puno ng galit na hindi kanya. Napataas ang aking mga balahibo.
“Marami pang masasamang espiritu dito sa Ifugao,” dugtong ni Lolo Edgar.
“Tulad ng Lidda-ang…wandering spirits na nagdadala ng sakit. Meroon ding mga Wakwak, mga aswang na nananakot ng mga batang gala at mga umuuwi ng gabi. At meroon ding Mambabahdi, ito ang mga espiritu ng namatay na galit o hindi matahimik.”
Mas kumapit ang lamig sa balat ko. Parang may gumapang sa batok ko, dahil alam ko at ramdam ko na ang espiritung ito ay nasa likod kong muli.
“Spirits of the dead?” usisa ni Ghon. “Have you seen one?”
Muling tumango si Lolo Edgar, doon ko pansing nakabaling ang tingin niya sa likuran ko. Tila ba alam niya ang aninong sumusunod palagi ay nasa sa tabi ko.
“Madami na.” Humigop siya ng hangin bago nagpatuloy at muling ibinalik ang tingin kay Ghon.
“Ang Mayoyao…isa sa mga lugar dito sa Cordillera na sinakop ng mga Hapon. Marami ang nawalan ng tirahan. Maraming nadamay na bata at matanda. At maraming matatapang na Ifugao ang namatay sa laban.”
“So you see a lot of spirits of the soldiers here?” mistulang takot na tanong muli ni Ghon.
Tumango si Lolo Edgar nang mabagal, parang nagbabalik sa alaala.
Ngunit bigla siyang ngumiti, malumanay, nakakapawi.
“’Wag kayong mag-alala at matakot,” wika niya.
“Sabi ko nga, kung wala kayong ginagawang masama, hindi nila kayo sasaktan. At nandito kayo sa lugar ni Bossing…” bahagya siyang tumawa, “…walang mananakit sa inyo rito.”
–
“Bossing is definitely cool! As in super cool! Imagine he is an all around mumbaki, he can do all the rituals! Knowing his age? Two years lang yung layo niya sa atin, but if we weigh our position right now, he’s on top!” Tila hindi makapaniwalang wika ni Ghon at nanginginig pa habang inaayos nilang dalawa ni Amir ang kanilang tutulugan.
“Cali, you saw him kanina right? When he did a ritual with the man who got possessed, I never imagined that I will witness that kind of action! I feel like I’m in a film, a horror film!” Galak na galak pa nitong dagdag.
Kasalukyan naman akong nakahiga na rito sa kama, maayos na ang aking pwesto at nakatalukbong na sa katawan ko ang makapal na kumot.
Pansamantala kong itinigil ang pagbabasa sa isang article sa aking cellphone dahil sa patuloy na kuwento ni Ghon.
“I would like to learn some prayers or rituals.” Pasumalang wika nito, bumaling siya ng tingin kay Amir na tila iritado sa pag-aayos ng kanilang hihigaan.
“Is that possible, Amir? Can we learn some rituals?” Tanong nito sa lalaki habang inaayos ang punda ng unan.
Hindi sumagot si Amir, bagkus itinuloy nito ang pagaayos ng kanilang unan.
“Can you ask Bossing to teach us some rituals? The chants for the beginners like us, I want to be like him! I ado-” Hindi na natuloy ni Ghon ang kanyang sinasabi nang doon nalang tinakpan ni Amir ang mukha nito.
“Ang ingay mo!” Inis na turan ni Amir at doon niya dinagaanan si Ghon.
Napatawa nalang ako sa ikinikilos ng dalawa, parang mga batang nagrarambuan at suntukan bago matulog.
Muli kong ibinalik ang tingin sa cellphone para ituloy ang binabasa ko.
Tama nga si Lolo Edgar, sinakop talaga ng mga Hapon ang lugar na ito. Naging sunud-sunuran ang mga residente sa mga banyagang sumakop. Dahil sa taas at likas na estruktura ng kabundukan, naging pugad ng mga Hapon ang Mayoyao.
“The Battle of Mayoyao Ridge,” basa ko sa screen.
Bumaling ako sa dalawa, na patuloy pa ring nagrarambulan sa gilid, para bang walang pakialam sa nakakatindig-balahibong kasaysayan ng lugar.
“Amir,” tawag ko.
Pansamantalang itinigil nila ang paglalaro. Si Amir, nakadagan pa kay Ghon, hawak-hawak ang leeg nito na parang mananalo na sa wrestling match.
“Bakit?” sagot niya.
“Amir! Get out-ah! Ang bigat mo!” reklamo ni Ghon mula sa ilalim.
“Malayo dito ’yung Nagchagan Viewpoint?” tanong ko.
Umiling si Amir. “Fifteen minutes pa-motor.”
Tumango ako, sabay balik sa pagbabasa ng article.
Hindi ko na pinansin ang dalawa, nagbalik sila agad sa kulitan, at hinayaan ko nalang silang mag-ingay habang lumulubog ako sa madilim na kasaysayan ng lugar na ito.
Kabanata 10
A S W A N G
Naalimpungatan ako sa isang malamig at malalim na gabi. Kahit na malamig ang klima ay ramdam ko ang pawis na namumuo sa buo kong katawan, tila ba ako’y tumakbo ng isang-daang kilometro.
Muli na naman kasi akong dinalaw ng panaginip na para bang hindi matatapos hanggat hindi ko nasasagot ang aking mga tanong.
“Sino ba silang dalawa sa buhay ko?” tanong na gumugulo sa aking isipan.
Hindi ko maitatanggi na para bang sinasadya ng mga panaginip na ito na maging malinaw ang mga senaryo noong magmulang dumating kami rito sa Cordillera. May maliit, at bahagyang nakakainis na pag-asa sa dibdib ko na baka…baka dito ko rin mahahanap ang kasagutan.
Kasalukuyang nakabaling ang aking tingin sa kisameng gawa sa kugon habang pinakikinggan ang muling kompetisyon sa palakasan ng hilik ni Ghon at Amir. Bahagya akong bumaling ng tingin sa pwesto nila.
Napangiti nalang ako, may dibisyon parin sa kanilang gitna. Tulog na tulog ang dalawa, tila mga lasing sa kanilang pwesto habang nakataas pa ang kanilang mga braso.
Mabilis ko namang kinuha sa may kabinet ang nakapatong na cellphone para tingnan kung anong oras na.
“Ala-una palang.” Pagbasa ko sa oras at muling ipinatong ang cellphone katabi ng lampara, smartwatch at ang aking bracelet.
Sa hindi sinasadya ay bahagyang nadanggi ng aking kamay ang bracelet para ito’y malaglag at tumalbog pababa sa pagkakapatong sa kabinet.
“Ay.” Turan ko.
Bahagya akong gumilid at patuloy sa paghigang inabot ng aking kamay ang bracelet sa sahig ng kubong ito. “Saan yun?” turan ko ng hindi ko makapa kung saan ito nalaglag.
Doon ko iginayak ang aking sarili para ilawit ang aking katawan sa kama. Kinuha ko ang aking cellphone para buksan ang flashlight, nagbabakasakali na pumailalim ito sa kama.
Sa mga oras na ito, ay dinapuan ako ng kaba.
Doon ko inilawan ang ibaba ng kama at tagumpay kong nakita ang bracelet na nasa ilalim nito.
Nang makuha ko ito ay dahan-dahan akong umayos muli sa pagkakahiga, ngunit ako ay natigilan ng mapunta ang aking paningin sa pintuan nitong kubo.
Napaigtad ako na parang tinuklas ng ahas.
Nakatitig ako ngayon sa pintuan ng kubo.
At doon ko nakita ang isang anino.
Isang pigurang tila naglalakad nang paikot-ikot. Pabalik-balik. Walang direksyong sinusunod. Nakaharang lamang sa liwanag ng buwan sa labas, habang ang aninong ibinabato niya sa pintuan ay gumagalaw, humihinga, at parang naghihintay.
Napasinghap ako. Nagtaasan ang aking mga balahibo na alam kong abot hanggang batok.
Tila gustong kumawala ng aking puso dahil sa bilis ng tibok nito na wala na sa normal nitong ritmo.
Hindi ko alam kung imahinasyon ko lang ba ito. Hindi ko alam kung tao o hindi.
Pero isa lang ang sigurado ko, mula nang makita ko ang lalaking sinapian kanina, at mula nang marinig ko ang kwento ni Lolo Edgar tungkol sa Pinading, Lidda-ang, Wakwak, at mga Mambabahdi.
Hindi ko maitatanggi, may kung anong gumagalaw sa labas at hindi iyon pangkaraniwan.
Baka ito ay isang aswang.
Sa hindi ko maipalawanag na dahilan ay doon ako nakaramdam ng pagtawag ng kalikasan.
“Ngayon pa.” Inis kong turan dahil maling-mali ang aking nararamdaman. Napapikit nalang ako habang dinadama ang tagaktak ng malamig kong pawis.
Isinuot ko ang aking bracelet at iginayak ang aking sarili paalis sa pagkakahiga sa kama. Hindi ko uunahin ang takot kaysa sa tawag ng kalikasang aking nararamdaman.
Tiklop man ang aking mga buntot habang nanginginig ang aking mga tuhod ay dahan-dahan kong binaybay ang daan papunta sa pintuan ng kubong ito. Walang ingay ang aking mga paang humahakbang.
Kita ko parin ang mga aninong pabalik-balik sa labas ng kubong ito.
Napalunok na lang ako sa kaba.
Nasa tapat na ako ng pintuan, at marahan kong inikot ang doorknob.
Pagbukas ko, walang aswang na bumungad sa akin, tanging madilim na katahimikan lamang, at ang mga huni ng mga kuliglig na para bang nang-aasar sa bawat pintig ng aking puso.
Napatingala ako. Sa liwanag ng buwan, malinaw kong nakita ang puno ng mangga sa labas. Ang malalago nitong sanga ang gumagawa ng aninong kanina pa ako tinatakot.
Napabuntong-hinga ako nang maluwag.
Lumabas ako ng kubo at isinuot ang tsinelas na nasa ilalim ng hagdan. Tumayo ako roon at pinagmasdan ang paligid.
Sa kanan, nandoon ang kusina. Pa-patay-sindi ang ilaw tanda na ito’y pundido na. Sa bandang kabila, ang kubo ni Bossing. Madilim. Ni anino niya’y wala.
Huminga ako nang malalim at bumaling sa kaliwa. Wala roon kundi purong dilim. Mga punong sumasayaw sa lamig ng hangin na tila sumusunod sa bawat tibok ng dibdib ko.
Bumalik ang tingin ko sa kanan.
At doon, parang hinugot ang aking kaluluwa mula sa dibdib ko.
Napasinghap ako.
Nanlamig ang batok ko.
Tumaas ang bawat hibla ng balahibo ko.
May nakatayo sa harapan ko.
Hindi aswang.
Si Bossing.
Ang emosyong ibinabato niya ay seryoso.
Ngunit ang higit na umagaw sa aking pansin ay ang kanyang suot. Hindi ito ang karaniwang chaleco at bahag.
Sa halip, siya’y nakadamit ng isang unipormeng pang-sundalo, na malinis, ngunit halatang pinagdaanan na ng panahon at digmaan.
“Bo…boss…” Hindi ko natapos ang sasabihin ko.
Mabilis niyang hinablot ang kanang kamay ko. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa pulso ko.
Malamig.
Malamig ang mga kamay niyang humablot sa akin.
Hindi ako nakagalaw. Hindi ako nakapagsalita at hindi na rin ako nagprotesta pa, hinayaan ko nalang ang turan ng lalaking ito.
Taimtim niyang tinitigan ang bracelet ko. Parang may hinahanap. Parang… may inaamin sa sarili niya. Ilang minuto kaming ganoon ang pwesto na para bang mas mahalaga pa sa akin ang bracelet na suot ko.
Binitawan niya ito.
Napatingin ako sa kanya, nagtataka kung bakit bigla na lang siyang sumulpot sa dilim, at nag-iisip kung bakit pang-sundalo ang kanyang damit.
Dahan-dahan niyang ibinalik ang tingin sa akin.
Kahit buwan ang tanging nagbibigay liwanag ay doon ko nakita ang pagbabago sa emosyong ipinapakita niya.
Hindi takot.
Hindi galit.
Hindi kasiyahan.
Hindi lang basta lungkot.
Kung hindi…pangungulila.
Madilim man ay pansin ko ang repleksyon ng buwan sa luha niyang nangingilid sa kanyang mga mata.
Mas lalo akong hindi makahinga.
“Bossing?” mahina kong tawag, halos pabulong.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Hindi ko rin alam kung ano ang ibig sabihin ng titig niyang iyon.
Pero nanatili siyang nakatulala sa akin. Hindi kumukurap. Parang may libu-libong kuwento sa likod ng mga mata niya, at ako ang tanging saksi sa sandaling iyon.
Nakatayo lang kami sa gitna ng malamig na gabi. Ilang minuto kaming hindi kumikilos, hindi umiimik.
Hanggang sa…
May narinig akong boses sa likuran.
“Cali?”
Pagtawag iyon mula kay Ghon. Paos, antok na antok, halatang bagong gising.
Napalingon ako. Nakita ko siyang nakatayo sa may hagdan ng kubo, isa pa ang kamay sa mata para kusutin ito, habang yung isa naman ay hawak ang salamin niya.
“What are you doing there? What time is it?” tanong niya, sabay suot ng salamin. Nang luminaw ang paningin niya, agad niyang iginala ang tingin sa madilim na paligid.
“Si Bossing,” sagot ko, mahina, parang hindi sigurado kung dapat ko ba talagang sabihin.
Bumalik ako ng tingin sa tabi ko, sa lugar kung saan nakatayo si Bossing kanina.
Ngunit wala na siya.
Parang isang bula na bigla nalang naglaho.
“Bossing?” ulit ni Ghon, ngayon ay may halong pagtataka at konting kaba.
Bumaba siya ng hagdan, lumalapit sa akin. “Kausap mo si Bossing?”
Hindi ako agad nakasagot. Pakiramdam ko ay may kumalabit sa loob ng dibdib ko. Hindi ko alam kung takot.
Tumango lang ako.
May bahagyang pag-aalinlangan pa.
Sinipat muli ni Ghon ang paligid, na parang inaabangan na biglang susulpot muli ang lalaki.
“Wala naman siya,” sabi niya, halos pabulong.
Tumingin siya sa akin, kita sa mukha ang pagsubok na gawing biro ang sitwasyon.
“Baka minumulto ka ha,” dagdag niya, pero halatang siya mismo ay hindi kumbinsido sa biro niya.
Napalunok ako.
Mas malamig ang hangin ngayon kaysa kanina, o baka ako lang iyon.
“Baka nga,” mahina kong sagot.
Wala na kaming sinabi pa.
Sabay kaming lumakad papunta sa banyo, tahimik, parang may iniwan kaming hindi nasagot sa likod namin, isang presensya, isang tanong, o isang alaala na hindi dapat naging totoo.
Hi guys! How’s the story so far? Are you enjoying the current adventure of Cali and friends in Ifugao? Bossing seems very mysterious, right?
Chapters 1 - 10 is already up. For the succeeding chapters, this will be uploaded every Monday and Friday starting next week.
Thank you for reading! Don’t forget to vote and share this story with your friends!
Kabanata 11
Y E L O
Alas-otso ng umaga rito sa Barangay Chaya. Tirik na ang haring araw at dumadampi na sa aking balat ang sinag nito, ganoon din ang malamig parin na simoy ng hangin.
Kasalukuyan akong nakatayo rito sa loob ng kulungan ng mga manok, sa tabi mismo ng bahagi kung saan sila nangingitlog.
Amoy ko ang halo ng tuyong dayami, lupa, at init ng mga manok na kanina’y nag-aagawan sa pagkain na ngayon ay pagala-gala na sa paligid.
Sa gilid ko’y nakalinya ang mga bilog na basket na nakadikit sa kahoy na haligi ng kulungan.
Doon ko iginayak ang aking sarili para kumuha ng mga kulay tsokolateng itlog, inilalagay ko ito sa hawak-hawak kong puting tabo.
“Ano nga ngang nangyari sa ’yo kagabi?” Kanina pa nag-uusisa si Amir dito sa tabi ko.
Imbis na tulungan ako, siya ngayon ay nangungulit para ikuwento ko sa kanya kung anong nangyari kagabi.
“Wala.” Tugon ko sa kanya, habang patuloy sa pagpili ng mga itlog.
“Eh ano yung sinasabi ni Ghon?” Usisa pa niya.
Hindi ako sumagot, bagkus ipinagpatuloy ko ang pagkuha ng mga itlog, mag totorta ako ng talong na ibinigay ni Tita Lola kahapon matapos ang komosyon.
“Cali, ano yun. Sabihin mo na,” patuloy nitong pangungulit, mula noong pagmulat ng mata ko ay siya na agad ang bumungad sa akin.
Si Ghon ngayon ay natutulog pa rin, hindi na kasi ito nakatulog ng maayos kagabi. Tinamaan siya ng takot magmula noong nakita niya ako sa labas na may kausap daw kahit hindi niya nakita.
“Sabi ni Ghon ay nakakita ka raw ng multo.” Dagdag pa nito.
“Oo minulto ako kagabi.” Tugon ko sa kanya at doon nagdesisyong humakbang papalabas ng kulungan para muling bumalik sa kusina.
“Sabi na eh! Anong itsura? Buti hindi ka natakot!” Usisa pa ni Amir habang nakasunod sa akin palabas.
Pagdating namin sa tapat ng kubo ng Bossing ay napatigil ako.
Doon lumabas sa pintuan ang itsura ng multong nagpakita sa akin kagabi.
Suot niya’y puting longsleeve muli at itim na pants. Hindi halata sa kanyang itsura na kagigising lang nito. Seryoso ang mukhang ibinabato niya sa akin at muling iwas ang kanyang mga mata na para bang hindi niya ako nakikita.
Hindi ako nakaimik.
“Bossing! Good morning!” masiglang bati ni Amir, sabay lapit sa kaliwa ko.
Bahagyang tumango ang Bossing bilang tugon.
“Magandang umaga po.” Matipid kong bati habang nilalapit ang tabo kung saan nandoon ang itlog.
“Kumuha na po ako ng itlog para sa umagahan,” dagdag ko pa, kahit hindi niya naman kailangan ng ulat mula sa akin.
Tulad ng aking inaasahan ay hindi ito tumugon sa akin.
“Bossing, may nagpakita raw na multo kay Cali kagabi,” sumbong bigla ni Amir.
Doon ko nakita ang bahagyang pag-angat ng tingin ni Bossing, isang sulyap na parang mabilis na pagputok ng kidlat. Nasa akin. Saglit lang. Pero sapat para muling balikan ng katawan ko ang lamig kagabi.
“Hindi kaya Pinading?” tanong ni Amir habang nakakunot ang noo. “Baka galit na galit sa planong pagpatayo ng resort sa taas ng gubat. Hindi sapat yung galit sa pagsapi lang, nagagawa pa niyang magpakita at gumalagala.”
Bumaling ng tingin ang Bossing kay Amir.
“Nagpapakita lang ang mga Pinading sa mga taong gumawa ng kalaspatangan, sa mga may kasalan.” Pagtatapos nito ay muling bumaling sa akin na para bang sinasabi niyang may nagawa akong kasalan.
“Pero ilang araw palang si Cali dito, Bossing? Wala pa naman kaming ginagawang hindi magugustuhan ng bantay.” Wika pa nito sa tabi ko.
Hindi na sumagot si Bossing. Tahimik na lamang siyang tumalikod at lumakad palayo, parang sapat na ang sinabi niya.
Napakamot nalang ng ulo si Amir sa kinatatayuan niya, ako naman ay nagdesisyong humakbang papunta sa kusina para ituloy ang pagluluto ng agahan.
Ilang araw palang kami rito sa Mayoyao ngunit pakiramdam ko ay matagal na kaming naninirahan dito. Hindi ko maitatanggi na masarap ang klima rito sa Ifugao, malayong-malayo sa usok ng Maynila. Maihahambing ko ang presko ng hangin dito sa hangin ng Japan kung saan probinsya rin ang kinatatayuan ng bahay namin doon.
Iba talaga ang naidudulot ng urbanisasyon sa isang lugar. Sa halip na paramihin ang mga puno, mas mabilis pang dumadami ang mga tao, sasakyan, at sementong nakatayo kung saan-saan. At doon ko mas naunawaan ang punto ni Ghon na ang lupang ito ay dapat pinoprotektahan, hindi sinisira ang kagubatan.
“Amir.” Pagtawag ko sa lalaking ito na abala sa ginagawang paglalaro sa kanyang cellphone.
“Bakit?” Tugon niya.
Katatapos ko lang iluto ang aming ulam. Tortang talong, pritong dilis at tuyo, at ilang pinakulong dahon tulad ng kangkong at talbos ng kamote.
“Gisingin mo na si Ghon, kakain na.” Utos ko sa kanya.
“Mamaya na ’yon, tulog pa.” Tugon nito habang tutok ang atensyon sa cellphone.
“Bilisan mo na.” Seryosong utos ko rito dahilan para tumayo siya sa kanyang pagkakaupo.
Humakbang siya papunta sa kubo para gisingin si Ghon, “Bossing kakain na.” Wika nito sa nakasalubong na lalaking humahakbang ngayon papaunta sa ilalim ng puno ng mangga.
Tumalikod ako at doon kumuha ng mga plato at kutsara para ihanda na ang aming umagahan.
Muli akong humarap sa lamesa at dahan-dahang inilapag ang mga plato. Kasabay noon ay nakarinig ako ng sunod-sunod na tunog mula sa pagbabayo ng palay.
Bahagya akong lumingon. Hindi nga ako nagkamali. Nandoon si Bossing habang hawak ang mabigat na al-o, at seryosong binabayo ang palay sa malaking sulong. Buo ang lakas at galaw niya sa bawat bagsak ng al-o ay malinis, direkta, at may bigat na ramdam sa lupa.
Matapos kong ayusin ang kakainan, hindi ko napigilang sandaling pagmasdan si Bossing.
Bawat pagdikdik niya sa palay ay may sariling ritmo, isang tunog na para bang bahagi ng hangin ng Mayoyao, isang instrumentong matagal nang humahalo sa kultura at araw-araw na buhay ng mga tao rito.
Hindi ko namalayan na humahakbang pala ako papalapit sa kanya, na para bang tinatawag ako sa bawat dikdik niya sa palay.
“Bossing.” Pagtawag ko. “Kakain na po.” Dagdag ko pa.
Hindi ako nito pinapansin, mistula isang multo na kinakausap siya sa gitna ng tirik na araw.
Sa ’di malamang dahilan ay para ba talagang sinasadya niya akong iwasan.
Habang nag uusap kami ni Ghon noong madaling araw, napag usapan nga namin ang trato sa akin ng lalaking ito. Pansin niya rin na para bang hindi niya gusto ang presensya ko. Hindi niya talaga gusto, dahil ramdam ko.
Ang payo naman sa akin ni Ghon ay kausapin ko lang ito ng kausapin at hayaang hindi ako nito sagutin. Muli niyang ikinumpara ang Bossing sa isang yelo na natutunaw din.
Patuloy ang Bossing sa seryoso niyang pagbabayo ng palay, hindi ako nito binabalingan ng tingin.
“Sasamahan kami ni Tita Lola mamaya sa interview,” sabi ko kahit alam kong hindi niya naman hinihingi. “Para kasi ito sa mismong mga nagtatanim ng palay, may ipapakilala raw siya.”
Napalunok ako at muling nag-isip ng iba pang sasabihin.
“Bossing…sa tingin mo ba may galit sa akin ang Pinading? Sabi ni Amir, may kakayahan daw silang magbagong-anyo.” Pasumalang wika ko pa sa kanya.
Hindi ko inaasahan ang sumunod.
Napaigtad ako sa isang malakas na pagdikdik mula sa al-o, mas mabigat ito, mas mariin kaysa sa mga nauna.
Napatigil ako at napalunok habang nakabaling ang aking tingin sa dahan-dahan niyang pagtingin sa akin.
Sinalubong ako ng mga matang matalim, malamig, at mga matang malinaw ang mensahe na ayaw niya talaga sa presensya ko.
“Kung alam mo sa sarili mong wala kang ginawang masama…” mabilis at iritado niyang tugon, “…sa tingin mo ba magpapakita sa ’yo ang Pinading?”
Nanigas ako. Ito ang unang beses na narinig ko siyang sumagot nang diretso sa akin.
At sa hindi maintindihang dahilan, nakaramdam ako ng inis sa paraan ng pagsagot niya.
“May galit po ba kayo sa akin?” tanong kong magalang.
Hindi ito sumagot ngunit mas naramdaman ko ang presensya niyang umaayaw sa presensya ko.
“Gawin mo na lang ang dapat niyong gawin,” malamig niyang sabi. “Pinatuloy ko kayo rito para tapusin ang trabaho n’yo.” Dagdag pa niya.
“Bossing. Cali, kakain na!” sigaw ni Amir mula sa likuran.
Walang imik-imik, tumalikod si Bossing at iniwan ako sa kinatatayuan namin.
Napabuntong-hininga na lang ako, ibinuga ang tensyong parang sumakal sa dibdib ko.
Kabanata 12
T I N A W O N
“Cali, let’s go!” Sigaw mula kay Ghon sa labas ng kubo na ilang minuto na rin ang hinihintay sa paglabas ko.
“Sandali!” tugon ko habang patuloy sa aligagang paghahanap sa aking hinihigaan.
Sinuyod ko na ng tingin ang ilalim ng higaan, binaliktad ko na ang kutson at mga unan. Nalibot ko na ang kasuluk-sulukan ng buong kubo ngunit hindi ko pa rin ito makita.
“What takes you so long?” wika ni Ghon na ngayon ay nasa may pintuan, bitbit nito ay bag ng camera at tripod. Suot niya’y itim na jacket at basketball short.
“Yung bracelet ko. Nawawala.” Tugon ko sa kanya at napaupo nalang sa kama, inalis ko ang suot kong khaki na bucket hat na binagayan sa suot ko na white-blue stripe na polo at khaki pants.
“Saan mo nilagay?” utas pa nito bago bahagyang lumapit sa akin.
“Hindi ko alam, hindi ko matandaan.” Muli kong tugon sa kanya.
“How about outside? Baka nalaglag mo sa labas.” Wika pa ni Ghon na ngayon ay may tono ng pag-aalala.
Napabuntong hininga nalang ako.
“Let’s find it later, mahahanap natin ’yon. For now, let’s go sa sentro. Amir said that Tita Lola is waiting for us.” Sabi nito.
Muli akong napabuntong hininga at tumango bilang pagsang-ayon. “Tara,” tugon ko sabay tayo sa pagkakaupo.
Sabay naming tinumbok ni Ghon ang pinto papalabas sa kubo. Sumalubong naman ang mataas na sikat ng araw na ngayon ay pumapaso sa balat, ngunit ramdam pa rin ang simoy ng malamig na hangin.
“Ano, tara na?” salubong sa amin ni Amir na ngayon ay nakasuot ng pulang basketball jersey at short na para bang maglalaro sa liga.
Sabay kaming tumango ni Ghon bilang sang-ayon bago ko muling isinuot ang bucket hat sa aking ulo bilang sangga sa sikat ng araw.
Bumaling ng tingin si Amir sa lalaking nasa ilalim ng puno ng mangga, patuloy parin ito sa pagbayo ng palay.
“Bossing! Una na kami!” pagpapaalam ni Amir, itinigil ng lalaki ang pagbabayo sabay tumango sa paalam nito.
Kumaway naman si Ghon bilang paalam kasabay ng paghakbang namin pababa papunta sentro.
Ako naman ay hindi na kumibo, saglit lang siyang binalingan ng tingin na para bang pagod na akong ito’y batiin.
Mula sa saglit na tensyon na namagitan kanina ay para bang nakaramdam ako ng pagkabigo na ngayon ko lang naramdaman. Madalas ay hindi talaga ako kumikibo para makipag usap at makipagkaibigan, tahimik lang talaga ako at nakisasabay lang.
Gusto ko lang naman na makilala ang Bossing, bilang sa kanya kami nakikituloy. Kinakausap naman niya si Ghon sa paraang pagkausap niya kay Amir, sadyang ako lang talaga ang hindi nito kinikibo. Gusto ko din malaman kung may nagawa ba akong hindi pabor sa kanya, at kung anong dapat kong gawin para masolusyunan ko ito.
“Are you okay?” untag ni Ghon sa harapan ko habang patuloy sa paghakbang pababa.
Napatango nalang ako bilang tugon.
Bungad sa aming harapan ang hindi nakakasawang malawak na hagdang-hagdang palayan dito sa Chaya. Ang mga nakatanim na luntian at mala-gintong palay ay parang mga alon na sumasabay sa indayog ng hangin dito.
Ang mga batong hagdan na aming nilalakaran ay bahagyang madulas dahil sa irigasyon ng tubig sa gilid nito. Walang tigil ang pagbaba ng tubig mula sa pinakamataas pang bahagi ng bundok.
Ilang minuto pa ang aming pagbaba nang salubungin kami ng tunog ng mga instrumento na parang ibinalik kami sa kasiyahang unang bumungad sa amin noong unang beses kaming tumapak sa Barangay Chaya.
“A ritual?” utas ni Ghon habang papalakas nang papalakas ang tugtugan.
Maya-maya pa’y nasa sentro na kami.
Doon bumungad sa aming mga mata ang panibagong sigla ng mga taga-rito.
Nakabahag ang mga kalalakihan, habang tapis sa itaas at palda naman ang suot ng mga kababaihan. Paikot-ikot silang sumasayaw sa gitna, kasabay ng mga lalaking may hawak na gong at iba pang instrumento, lahat ay gumagalaw sa iisang ritmo.
“Tita Lola,” tawag ni Amir sa papalapit na matanda.
Suot ng matanda ay mahabang palda na ang disenyo ay para lamang sa kanilang kultura, kulay puti ang kanyang pang-itaas.
Sabay kaming kumaway ni Ghon at sinalubong siya ng mga ngiti.
“Mano po.” “Bless po.”
Iginayak namin ang aming mga sarili at nagmano sa matanda.
“Salamat po uli sa talong, Tita Lola,” masaya kong wika. “Nailuto ko na po, torta.”
“Mabuti naman kung ganoon,” tugon niya na may ngiti. “Mayroon pa ako roon sa kubo kung gusto n’yo.”
Napangiti na lang kaming dalawa ni Ghon.
“Is there an event, Tita Lola?” tanong ni Ghon, sabay turo sa mga sumasayaw at tumutugtog sa harapan namin.
Tumango ang matanda. “Nag eensayo sila para paparating na Lenong Festival,” tugon niya.
“Is that the festival you told me about last time, Tita Lola?” dugtong ni Ghon.
“Oo,” sagot niya. “Lenong Festival o Peace Festival.” Dagdag pa nito.
“Until last week of July lang kami dito, Tita Lola,” tugon ni Ghon.
Patuloy naman ang sayawan at tugtugan habang kami ay nakatayo dito sa gilid.
“Ganun ba? Sayang naman, baka pwede kayong magdagdag ng araw. Taon-taon ang Lenong Festival, para sa natanggap na kapayapaan ng mga taga Mayoyao pagkatapos ng Japanese war.”
“Is that what Lolo Edgar was talking about last night?” usisa ni Ghon. “About the Japanese occupation here in Mayoyao?”
Tumango muli ang matanda. “The Battle of Mayoyao Ridge,” paliwanag niya. “Natapos ang gera noong August Nine.”
Sandali siyang tumigil bago ngumiti. “Sa susunod ko na ikukuwento sa inyo ang mga naganap noon.”
Pagkatapos ay bahagya niyang itinuro ang direksyong pakanan. “Tayo muna,” wika niya, “…at pumunta sa dapat n’yong puntahan.”
Tumango kami bilang pagsang-ayon, bago tuluyang humakbang patungo sa palayan, sa taong aming iinterbyuhin.
“Ako po si Makno Bannag. Tawag sa akin ay Tiyo Makmak. Animnapu’t pito na ako, dito ipinanganak sa Chaya, Mayoyao, Ifugao. Isa akong farmer.” Ang pagpapakilala ng matanda sa amin.
Nandito kami sa isang bahagi ng Barangay, sa harapan ng may kalakihang kubo na kung saan ang harapan nito ay malawak na taniman ng palay.
Kasalukuyang nakaupo ang matandang lalaki papaharap sa amin, nakasauot ito ng puting t-shirt kung saan may mukha ng pulitiko.
Sa likuran naman ng matanda ay makikita ang malawak niyang palayan kung saan tingkad na tingkad ang malagintong kulay nito.
“Pasensya na, medyo barado ang ilong ko. Paiba-iba kasi ang klima.” Paghingi ng dispensa ng matanda.
“Ay, okay lang po. Wala pong problema.” Tugon ko naman sa kanya.
Ako’y nakaupo rin sa isang bangkuan, si Ghon ay nasa aking likuran habang kinukuhanan ng bidyo ang interview.
Samantalang si Amir ay katabi ni Tita Lola na ngayon ay kumakain ng tinatawag nilang pinang-it o parang suman sa tagalog.
“Kailan po kayo nagsimulang matutong magtanim ng palay?” pangunang tanong ko kay Tiyo Makmak.
Ngumiti ang matanda, “Ang aking ama ay tinuruan akong mag tanim noong sampung taon ako…”
“…palayan ang naging palaruan ko, hindi ako nagreklamo dahil alam ko kung gaano kahalaga ang palay o bigas sa amin,” panimulang kuwento ng matanda.
“Hindi ako nakapag-aral, palayan din ang naging eskuwelahan ko…” wika niya.
“Ngunit maipagmamalaki ko na ang aking dalawang anak na babae ay napagtapos ko ng pag-aaral, habang ang binata ko naman ay nasa kolehiyo.” Galak na galak na kuwento ng matanda.
Binati ko pa ang matanda sa kanyang sinabi dahil ito ay isang malaking sakripisyo na iilan lang ang nakakaranas. Sakripisyo ng mga magulang, alang-alang sa kanilang anak.
“Tuwing kailan po ang ani at ang pagtatanim ng palay?” tanong ko.
Bahagyang itinuro ni Tiyo Makmak ang palayan niya sa likod.
“Kung makikita niyo itong bahagi na ’to, kulay ginto na. Ibig sabihin ay malapit nang anihin,” tugon nito at napatango nalang ako.
“Dito sa Ifugao, depende sa magsasaka kung anong uri ng palay ang itatanim,” wika niya.
“Dalawa kasi ’yan eh. Magtatanim ka ba para ibenta? O magtatanim ka para sa pang-sariling konsumo.” Wika ng matanda.
Bahagya siyang may kinuha sa bulsa nito. Dalawang tangkay ng palay. Ang isa ay kulay ginto, at ang isa naman ay luntian.
“Itong kulay ginto, na makikita niyo rin sa likuran. Ang tawag sa palay na ito ay Tinawon.” Wika nito habang ipinapakita sa amin ang hawak-hawak niya.
“Tinawon Rice. Madalas na ang uri ng bigas nito ay hindi namin ibinebenta, ito ay pang sariling konsumo….”
“…organic rice, kaya doble o kaya triple ang presyo kung ibebenta. Pero isang beses lang sa isang taon ang ani ng ganitong uri ng palay.” Pagkukuwento ni Tiyo Makmak.
“Baka sa ikatlong linggo nitong buwan ay puwede nang anihin itong palay. Noong Disyembre namin ito tinanim.” Utas pa ng matanda.
Doon naman niya pinakita sa amin ang isang palay na kulay luntian.
“Madalas sa magsasaka dito sa amin ay hindi na nagtatanim ng Tinawon Rice, bilang nalang sa kamay kung ilan kami na sinundan ang yapak ng aming ninuno.” Lahad nito.
“Dahil nga halos isang beses lang ang ani ng ganitong palay….”
“….antimano ang ilang magsasaka ay ganitong uri ng palay ang tinatanim,” wika nito sabay pakita sa amin ng luntiang palay.
“Ang tawag dito ay California.”
“Ito naman ay dalawang beses o tatlo pa nga sa isang taon kung anihin, ito yung madalas ibenta, pang komersyal.” Lahad ni Tiyo Makmak bago siya humingi ng pasensya sa pag-ubo.
“Pasensya na.” Utas pa nito habang patuloy sa tuyo at wala namang plemang pag-ubo.
“Mahirap po bang maging magsasaka?” tanong kong muli matapos ituloy ang interview.
“Ang kalaban mo naman diyan eh ay ang pabago-bagong klima.” Diretso nitong sagot.
“Kung dati ay dalawa o hanggang tatlo lang ang bagyo na dumadaan dito sa Pinas. Pero ngayon, tingnan mo, halos bente na ang bagyo sa isang taon.” Dama ko ang pagkadismayado ni Tiyo Makmak.
“Eh sino bang may kasalanan? Tayo rin namang mga nakikihiram ng tirahan,” utas pa nito.
“Mahirap pero kinakaya, nairaos ko nga mag-isa ang aking mga anak at iraraos ko pa ang isa sa kolehiyo. Hindi ako titigil sa pagsasaka hanggat hindi pa tapos ang aking anak.” Nakangiti namang wika nito.
“Sino pong susunod sa yapak niyo bilang magsasaka?”
“Ang totoo niyan, ang dalawa kong anak ay parehas na guro sa publiko doon sa Banaue, samantalang ang lalaki kong anak ay agriculture, kita ko naman na interesado ang batang iyon sa palayan.” Batid ko naman ang galak sa mata ni Tiyo Makmak.
Nagtagal pa ng ilang minuto ang interview at pag-aaral namin sa pamumuhay ng mga magsasaka.
Matapos noon ay sinamahan kami ni Tita Lola sa paglilibot sa buong barangay upang ipakilala sa mga taga-rito.
Isa lang ang masasabi ko, napakabait nila. Ramdam na ramdam namin ang mainit at taos-pusong pagtanggap ng bawat ngiti, bawat pagbati, at bawat kwentong ibinabahagi nila sa amin.
“Hindi maari. Hindi nila maaaring gawin ’yon. Kung kakailanganing ipaglaban, ipaglalaban.” Mariing wika ni Tita Lola nang muling banggitin ni Amir ang balak na pagpapatayo ng resort.
Kasalukuyan na naming tinatahak ang daan papunta sa kubo nina Tita Lola.
Sa aming nilalakaran ay tanaw ko si Apo Lumawig, nakaupo sa papag na nasa ilalim ng kubo, ganoon pa rin ang anyo. Nakaupo, diretso ang seryosong tingin, tila hindi tinatablan ng hangin o ng paglipas ng oras.
“Maiba tayo,” biglang sambit ng matanda.
“Baka puwede ninyong sabihin sa propesor n’yo na kung maaari ay magdagdag kayo kahit isang linggo lang. Para maabutan ninyo ang Lenong Festival. Isa ’yon sa magpapaganda ng pag-aaral ninyo, magandang maranasan n’yo rin ang kasiyahang iyon.”
Tumigil kami sa harapan ng kubo.
“Magandang hapon po.” “Good afternoon po.”
Sabay-sabay naming bati kay Apo Lumawig. Hindi ito sumagot at nanatili lamang siyang seryosong nakatingin sa amin.
“Puwede naman siguro, Tita Lola,” pagsang-ayon ni Amir. “Maganda ngang maranasan din nila ’yon. Ilang taon na rin mula noong huli kong Lenong Festival.”
Nagpatuloy pa sana ang usapan nang makarinig kami ng pagtawag mula sa likuran.
“Tita Lola!”
Sabay-sabay kaming napalingon. Isang mestisang babae ang papalapit sa amin. Ang kanyang buhok ay sumasabay sa ihip ng hangin, gayundin ang suot niyang bestidang pinaghalong puti at rosas.
Nang makalapit siya sa aming puwesto ay walang pag-aalinlangan niyang niyakap ang matanda.
“Namiss kita, Tita Lola,” masigla niyang wika, tila hindi kami napansin sa likuran niya.
“Parang isang linggo lang ang nakalipas nang huli kang nandito,” natatawang tugon ng matanda.
“Tita naman,” pabirong sagot ng babae.
“Anong balita at naligaw ka na naman?” usisa ni Tita Lola.
“May mga kasama na po ako sa isang linggo,” tugon ng babae. “Nag-volunteer na silang samahan ako, kaya mas mapapabilis na ang trabaho.”
“Marel?” biglang sambit ni Amir sa aking tabi, halatang nagulat.
Dahan-dahang humarap sa amin ang babae. May ngiti sa kanyang labi, ngunit may bahid ng pagtataka sa kanyang mukha.
Bahagya siyang napatingin kay Amir na nasa gitna namin ni Ghon.
“Amir. Amir Angeles,” nakangiting pagpapakilala ni Amir, sabay turo pa sa sarili.
Mas lumawak ang ngiti ng babae, palatandaan ng pagkilala.
“Marel Santos?” muling tanong ni Amir, tila nais makasiguro.
Tumango ang babae at iniabot ang kanyang kamay.
“Doktora Santos,” tugon niya.
Kabanata 13
D E L A C R U Z
December 1941, Baguio,
Benguet
“Troops! Stay focused! Aim for the shot! There’s no room for failure here!”
Sigaw at utos ni Commander Peterson na walang tigil sa pabalik-balik na paglalakad sa likuran namin. Ganoon din ang ginagawa ni Lieutenant Dela Torre na kanina pa rin sumisigaw sa likuran. Ang bawat yabag nila sa lupa ay kasabay ng pagtaas ng presyon sa aking dibdib.
Nasa gitna kami ng hanay ng matatayog na pine trees, tahimik ang paligid ngunit binabasag ng putok ng baril ang hangin.
Nakahilera sa harapan ang mga lamesang punong-puno ng iba’t ibang uri ng baril.
Sa unahan, mga lata ang nakatayo na nagsisilbing mga simpleng target, ngunit sa aking paningin ay mistulang lalong lumiliit sa bawat segundo.
Mahigpit kong ipinatong ang mahaba at may kabigatang baril sa aking balikat. Ipinikit ko sandali ang kaliwang mata, pilit na tinatapat ang paningin sa gitna ng lata.
Putok.
Wala.
Muli akong huminga nang malalim, pilit na pinapakalma ang panginginig ng aking kamay.
Putok.
Muli na namang hindi tumama.
“Tangina.”
Mahinang gigil ang aking bulong, halos lunukin ng hangin sa paligid. Ramdam ko ang pawis na dumadaloy sa aking sentido kahit malamig ang klima.
Kanina pa ako pumapalya at sa lugar na ito, alam kong walang puwang ang pagkakamali.
“Dela Cruz!” Hiyaw na pagtawag sa aking apelyido ang bumasag sa konsentrasyon ko.
Nararamdaman ko na ang presensya ni Lieutenant Dela Torre sa aking likuran kahit hindi ko siya nililingon.
“Anong ginagawa mo?! Bulag ka ba?!” sigaw niyang suway.
Kanina pa niya siguro napapansin ang bawat sablay ng pag-baril ko.
“No, sir!” mabilis kong tugon, kahit nananatiling nakatuon ang mga mata ko sa latang nasa unahan.
“Kung hindi mo kayang gawin ang simpleng pagbaril, umuwi ka na!” hiyaw niya sa aking likuran.
Bumuntong-hininga ako, marahan ngunit mabigat, saka muling itinaas ang baril at inasinta ang target. Pilit kong pinatahimik ang ingay sa isip ko.
Putok.
Wala.
Biglang umalingawngaw ang tawanan ng tropa sa paligid. Mga tawang walang pakundangan na para bang ako’y isang talunan na pinapanood nila sa harapan.
“Umuwi ka na, Dela Cruz! Magtago ka na lang sa saya ng nanay mo!” dagdag pa niyang pamamahiyang tila sinadya para ibaon ako sa lupa.
Halos tatlong linggo na ako rito sa kampo.
Tatlong linggo nang walang tigil na training, takbo rito, takbo roon, buhat dito, buhat doon. Manhid na ang buong katawan ko, sa pagod at sakit na para bang naghahalo na ang dugo at pawis sa bawat galaw ko.
Manhid na rin ang aking mga tenga sa paulit-ulit na sigaw at pangmamaliit ng mga nasa itaas.
Sa sandaling iyon, pakiramdam ko’y wala na akong kuwenta bilang tao. Ngunit mas masahol pa ang pakiramdam na iyon dahil alam kong mas wala akong silbi kung uuwi lang ako, mananahimik, at hahayaan na muling tapakan ang aking pagka-Pilipino.
“Umuwi ka na lang, Dela Cruz. Umuwi ka na lang!” patuloy niyang pamamahiya.
Ngunit alam ko sa sarili ko na isa lang ang dahilan kung bakit ako nandito. Ito lang ang paraan para patibayin ang loob ko.
“No, sir!” sigaw kong tugon bago ko muling sinipat ang latang nasa harapan.
“Umuwi ka na lang! Hindi namin kailangan ng bulag dito! Baka ikaw pa ang magpahamak sa tropa, Dela Cruz!” paulit-ulit na sigaw ng Lieutenant sa aking likuran.
“No, sir!” basag na ang boses kong sagot, pilit pa ring matatag.
Nauna pang bumagsak ang luha mula sa aking mga mata kaysa sa latang hindi ko magawang patumbahin.
Pinipigilan ko ang aking pagtangis, parang kasalanan ang umiyak na parang bawat patak ng luha ay patunay ng kahinaan na ayokong ipakita.
“Umiiyak ka ba, Dela Cruz?! Bawal ang lalambot-lambot dito!” sigaw niya.
“No, sir!” tanging naisagot ko, habang pilit kong nilulunok ang bigat sa aking dibdib.
“Umuwi ka na! Umuwi ka na!” huling sigaw niya.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla kong naramdaman na tumahimik ang paligid.
Parang bumagal ang oras.
Doon ko naramdaman ang mainit na katawang dumampi sa aking likuran.
Isang pamilyar na amoy ang sumingaw na kaagad kong nakilala. Marahan niyang ipinatong ang kanyang ulo sa kaliwang balikat ko, habang ang kanang kamay niya’y umalalay sa paghawak ko sa baril.
Kilala ko kung sino ang nasa likuran ko.
“Nandito ako. Ayos lang ’yan.” mahinang bulong ni Emilio sa aking tenga.
Kasabay noon, tumumba ang lata sa harapan.
Biglang bumalik sa reyalidad ang oras, malakas na sigawan at palakpakan ang aking narinig. Hindi ko alam kung dahil ba natumba ang lata, o dahil sa lalaking nakayakap sa likuran ko.
“Mga bakla!” sigaw mula sa pamilyar na boses.
Sumabog ang tawanan ng buong tropa.
Kasabay noon ay mabilis kong ikinalas ang aking katawan mula sa lalaking nasa likuran ko.
Hindi ko na siya tiningnan at agad akong humakbang palayo, parang gusto kong maglaho sa kinatatayuan ko.
Hiya ang bumalot sa akin, matalim at mabigat, na para bang kulang na lang ay itago ko ang sarili ko sa ilalim ng lupa.
Narinig ko pa ang pagtawag niya sa pangalan ko, ngunit hindi ko iyon pinansin.
Mabilis akong tumakbo sa gitna ng matatayog na pine trees, pilit tinatakasan ang lahat mula sa tawanan, ang mga mata, ang sarili kong kahinaan.
“Caloy!” sigaw niya habang hinahabol ako.
Hindi hadlang ang suot naming maputlang berdeng uniporme sa bilis ng aming takbo.
“Caloy, saan ka pupunta?!” muli niyang sigaw.
Kung mabilis ang pagtakbo ko, mas mabilis ang paghabol niya.
Napatigil lang ako nang tagumpay niyang nahawakan ang aking braso.
“Saan ka pu-”
Hindi niya natapos ang sasabihin niya. Sa isang iglap, nahila ko siya pabagsak hanggang sa tumama ang likod niya sa lupang balot ng tuyong damo.
Bago pa siya makabawi, nasakyan ko na ang katawan niya at tuluyan kong pinakawalan ang galit na kanina ko pa kinikimkim.
Sunod-sunod ang ginawa kong pagpapaulan ng kamao sa kanyang mukha.
“Tangina mo! Gago ka! Gago ka!” sigaw ko habang nanginginig sa galit.
Pilit niya akong pinipigilan, hawak ang aking mga braso, ngunit mas mabilis ang bawat suntok ko kaysa sa pagpigil niya.
Maya-maya, ako na ang nakahiga sa lupa, nakapatong na siya sa akin, pilit akong hinahawakan para tumigil. Doon ko napansing dumudugo na ang kanyang bibig.
“Ano ba, Caloy!” sigaw niya, hingal na hingal.
“Anong ano ba’?!” sigaw ko pabalik. “Pinapahiya mo ako!”
Nanginginig ang boses ko, halo ang galit at sakit. “Gago ka, Emilio! Gago ka!” dagdag ko pa.
Kita ko ang pagbungisngis nito sa ibabaw ko na parang aso. “Iniiwasan mo ba ako?” pasumalang wika niya.
“Tangina mo!” tugon ko sa kanya at pilit siyang inaalis sa pagkakapatong niya sa akin.
“Iniiwasan mo ba ako, Caloy?” wika pa nito na parang isang gago.
“Gago ka! Ano bang gusto mo?!” tugon ko sa kanya.
Halos ilang linggo ko nang iniiwasan ang lalaking ito. Hindi dahil sa galit ako, kung hindi dahil sa kakaibang pakikitungo niya sa akin.
“Ikaw! Ikaw ang gusto ko!” para bang hindi niya alam kung anong salita ang lumalabas sa dumudugo niyang bibig.
“Naririnig mo ba ang sinasabi mo!?” galit kong tugon sa kanya at patuloy sa pagkawala.
“Oo, gusto kita. Gusto kita, Caloy.” Seryosong wika niya at mas naramdaman ko ang pagkapit niya ng mariin sa balikat ko.
Napapikit nalang ako. “Libog ka lang. Libog lang yan!” tanging nasabi ko sa kanya at pwersang kumawala sa pagkakapatong nito.
Tagumpay naman akong nakaalis sa pagkakapatong niya.
Mabilis akong tumayo sa pagkakahiga bago ko binaybay ang daan paalis sa kinatatayuan namin.
Hindi ko na siya tiningnan pa, dahil sa hindi ko malamang dahilan, bumilis na namang muli ang tibok ng puso ko.
Kabanata 14
P O L S E R A S
December 1941, Baguio,
Benguet
Sa loob ng maliit na kwartong nagsisilbing clinic ng kampo, pilit na pumapasok ang kulay gintong liwanag ng papalubog na araw mula sa bintana na tila sinasaksihan ang katahimikang namamagitan sa amin.
Tahimik akong nakatayo sa gilid ng kama, iniiwasan ang mga matang ilang beses nang nagtatangkang salubungin ang akin.
Dahan-dahan kong idinadampi ang bulak na may gamot sa kanyang labi na pumutok dahil sa mga suntok ko kanina. Pilit kong idinidiin ang bulak sa sugat, sapat para linisin, sapat para manakit, ngunit wala akong narinig na daing mula sa kanya.
Parang hindi niya ramdam ang sakit.
Sa sandaling iyon ay doon ko lang malapitang napagmasdan ang kanyang mukha.
Makapal, maitim, at natural na nakasuklay pataas sa ang kanyang buhok.
Ang mga mata niya’y may lalim, yung tingin na hindi maingay pero nakapupukaw. Medyo singkit, na parang laging may munting ngiti na itinatago.
Ang ilong niya ay matangos, ang bibig niya ay manipis. May kaunting bigote at balbas sa paligid.
Ang hugis ng mukha niya ay halos parang inukit, dahil medyo pahaba, may nanlalaban na panga, at makinis na kutis. Hindi maputi, kung ’di moreno.
Tahimik lang siya habang hinahayaan akong linisin ang iba pang sugat sa kanyang mukha. Ang bawat galaw ko’y mabagal, maingat at hindi dahil ayaw kong masaktan siya, kundi dahil natatakot akong madama ko ang sarili kong nararamdaman.
Napalunok ako nang maramdaman ko ang mga titig niya, ang mga matang hindi naninira, kundi pilit na nagsasalita. Mga matang ilang minuto na lang ay parang kaya akong sugatan, hindi sa lakas, kundi sa katotohanan.
Ilang minuto pa ang lumipas bago ko tuluyang matapos ang paglilinis. Tumalikod ako para sana hugasan ang mga ginamit ko, pilit tinatakasan ang bigat sa dibdib ko. At nang aktong aalis na ako…
…hinawakan niya ang kaliwa kong kamay.
“Caloy…” paos na bulong niya.
Napahinto ako. Dahan-dahan akong bumaling sa kanya, mata sa mata.
Hindi ako nagsalita. Hinintay ko siyang magpatuloy.
“Hindi nagsisinungaling ang nararamdaman ko.” Panimula niya. “Hindi ’to basta libog lang.” Dagdag nito.
Napapikit ako.
“Alam kong gusto kita.”
“Pero lalaki ka. Lalaki ako.” Mabilis kong tugon, parang panangga.
Umiling siya. “Ano naman kung pareho tayong lalaki?” wika niya bago nito sabay na hinawakan ang dalawa kong kamay. “Alam kong ilang linggo pa lang tayong magkakilala, pero pakiramdam ko matagal na kitang kilala.”
Hindi ako makagalaw.
“Para bang ito ang ikalawang buhay nating dalawa. Hindi lang tayo basta pinagtagpo. May rason kung bakit pareho tayong nandito ngayon.”
Ramdam ko ang bigat ng sinasabi niya, batid kong walang biro, walang pag-aalinlangan.
Tumibok nang malakas ang dibdib ko. Masyadong malakas. Para bang gusto nitong kumawala.
“Ano kung pareho tayong lalaki? Kung pareho naman tayo ng nararamdaman.” Humigpit ang hawak niya sa mga kamay ko.
“Gusto kita, Caloy. Sigurado ako doon.”
Mariin niyang hawak ang aking mga kamay na parang takot siyang pakawalan ako, parang alam niyang tatakbo ako kapag binitiwan niya.
“Hindi ko alam…” basag kong bulong. “Hindi ko alam kung anong isasagot ko.”
Huminga ako nang malalim bago ko siya binalingan muli.
“Pumunta ako rito para sa isang misyon,” diretsong wika ko, “…hindi para dito.”
Saglit siyang nanahimik.
“Sumama ako rito kasi wala na akong rason para mabuhay.” Mahina, nanginginig ang boses niya. “Pero nung nakilala kita…bigla na lang akong natakot na mamatay…”
Napasinghap ako.
“…na para bang ikaw ang magiging rason ko para mabuhay.”
Hindi ako nakakibo, para bang naestatwa sa mga salitang nilahad niya.
“Hindi mo kailangang sumagot ngayon. Hayaan mo ako, Caloy…” wika pa nito,
Hindi pa rin ako nakagalaw, hindi ako nakasagot, natigalan ako sa mga inilahad niya.
Ilang saglit pa ang lumipas bago dahan-dahang umangat ang kanyang kanang kamay. Maingat niya itong ipinatong sa aking ulo, saka sinimulang haplusin ang aking buhok, banayad, tila nag-aalinlangan, tila nag-iingat.
Hindi ko malaman ngunit ako’y nakararamdam ng kapayapaan sa bawat paghaplos niya sa aking buhok.
“…hayaan mo akong ipakita ko sa ’yo ang nararamdaman ko.”
Ang mga salitang binitawan ni Emilio ay hindi niya binitiwan nang basta-basta.
Pinangatawanan niya ang bawat salita, walang pag-atras, walang pagdududa. Hindi siya nagbibiro nang sabihin niyang ipapakita niya sa akin ang nararamdaman niya.
Sa nakalipas na linggo, mas naging nakakapagod ang training sa kampo. May mga tropang umuwi na, may mga katawang bumigay na, at may mga loob nang sumuko. Sa bawat pag-alis nila, mas ramdam ko ang bigat ng dahilan kung bakit ako nandito.
Bukod sa halos pahirapang pisikal na ensayo, mas dumagdag pa sa pasakit ang mga salitang walang preno mula sa mga nasa taas. Mga salitang kayang durugin ang pagkatao mo bago pa man ang katawan.
Ngunit paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na paraan lang iyon. Para patigasin kami. Para ihanda sa Bataan. Para kapag dumating ang oras, wala nang matitira pang takot.
Si Emilio naman…si Emilio ang naging kabaligtaran ng lahat ng iyon.
Patuloy ang kanyang pangungulit, ngunit hindi kailanman naging marahas at pagpilit. Mga munting kilos lang, ang pasimpleng pag-abot ng pagkain, na para bang hindi niya ako nakikitang kumakain araw-araw.
Mga tsokolateng patagong inilalagay niya sa bulsa ko, tahimik, walang paliwanag. Para siyang batang nasa elementarya, torpe ngunit determinado, nanliligaw sa paraang siya lang ang nakakaalam.
At sa tuwing tinatanggap ko ang mga iyon, may bahagi sa loob ko ang kumikirot, hindi dahil ayaw ko, kundi dahil alam kong hindi dapat.
Pasimple rin ang pagtulong niya sa akin tuwing nageensayo ng pagbaril. Inaayos ang tindig ko, itinutuwid ang hawak ko, sinasabayan ang paghinga ko.
Sa tuwing mas nagiging maayos ang mga putok ko, may kakaibang saya akong nararamdaman, hindi lang dahil gumagaling ako, kundi dahil siya ang dahilan.
At ang mga gabi.
Sunod-sunod na mga gabing patago kaming lumalabas.
Tahimik, parang may ginagawang kasalanan. Dinadama ang malamig at malalim na gabi sa paborito naming tinatambayan, nakaupo sa isang troso sa ilalim ng puno ng mangga.
Parang mga batang pansamantalang nakakalimot kung nasaan sila.
Pinipilit niya akong pakinggan ang pagtipa niya sa gitara.
Hindi siya perpekto, may mga maling nota, may mga putol-putol na kumpas. Ngunit nakikinig pa rin ako. Hindi dahil maganda ang tugtog, kung hindi dahil siya ang tumutugtog.
At sa mga sandaling iyon, pakiramdam ko ay normal lang ang lahat. Parang puwedeng manatili roon. Parang puwedeng kalimutan ang digmaan, ang pagod, ang kampo, ang Bataan.
“Anong meron sa inyo ni Emilio?” usisa ni Bon sa akin, kasalukuyan kaming nagpapahinga dahil katatapos lang ng walang katapusang pagtakbo ng kilo-kilometro.
“Anong meron?” patay malisya kong tugon, habang patuloy ako sa pagguhit ng matayog na pinetrees sa aking sketchpad.
“Tatanggi mo pa. Mas naging komportable kayo sa isa’t-isa.” Usisa pa nito sa akin habang patuloy ang kanyang pagkain ng suman sa latik na nakabalot sa dahon ng saging.
“Bakit? Kayo nga ni Zameer, parang bigla nalang nagbago ang ihip ng hangin sa inyong dalawa.” Tugon ko habang patuloy sa pabalik-balik ang tingin sa pine trees na nasa harapan at sa aking pag guhit sa sketchpad
“’Ulul. Wag mong ibahin ang usapan, Caloy.” Mabilis nitong pag tanggi.
“Huwag mo sabihing nililigawan ka ni Emilio?” lahad niya dahilan para mabilis kong takpan ang bibig nito.
“Ang ingay mo.” Inis kong wika sa kanya at binalingan ng tingin ang paligid kung may iba pang nakarinig.
“Sabi na eh.” Nakangising tugon niya sa akin. “Parang nung nakaraan lang, inaayawan mo kasi parehas kayong lalaki.” Dagdag nito.
Napailing nalang ako at muling itinuloy ang pag-guhit.
“Anong magagawa ko? Makulit eh.” Tugon ko sa kanya at doon ito napakamot ng ulo.
“Anong plano niyo pagkatapos ng lahat ng ’to?” tanong niya.
Natigilan ako.
Hindi ako nakasagot dahil hindi ko rin alam kung anong isasagot ko sa tanong niya.
“Hello.” Malambing at pamilyar na boses ang bumasag aming narinig sa likuran.
Sabay kaming bumaling ng tingin ni Bon sa likod.
“Hi, Lin.”
“Hello, Lin.”
Pagbati namin sa batang babae na nakasuot ng pulang bestida, nakatapak ito at walang suot na tsinelas. Ang kanyang buhok ay malinis na nakapusod.
Mabilis siyang umupo sa gitna namin ni Bon na para bang barkada niya lang kami sa edad nitong pito.
Anak siya ni Lieutenant Dela Torre, na opisyal niyang ipinakilala sa amin noong kasagsagan ng pag eensayo.
Siya rin ang batang babae na nagbigay sa akin ng kulay rosas na gumamela noong unang araw ko rito sa kampo.
“Gusto mo, Lin?” alok ni Bon sa kinakain niyang suman, tumanggi ang bata sabay baling ng tingin sa ginagawa ko.
“Beautiful drawing.” Pagpansin nito sa aking igininuguhit.
“Salamat.” Nakangiti kong tugon sa kanya sabay baling ng tingin dito.
Nakangiti ito na labas ang kanyang ngipin, may bungi ang kanyang ipin na tanda sa patuloy na pagkain ng matatamis.
“You’re beautiful also.” Muli ko na namang narinig sa kanya ang mga salitang iyon, “You look like my mama.” Dagdag pa nito na ikinabungisngis ni Bon sa tabi.
“Naging nanay pa, ano?” Natatawang utas ni Bon.
Hindi nalang ako umimik, nginitian nalang ang bata sabay patuloy sa ginagawa kong pag-guhit.
“Can I have that?” Muling wika ni Lin patungkol sa aking iginuguhit.
Muli ko itong binalingan ng tingin, “Gusto mo?” paninigurado ko sa kanya bago ito tumango.
“Can you put a note in that?” suhestiyon niya.
“Anong ilalagay ko?” balik kong tugon sa kanya.
“Just put anything with love.” Sabi pa nito sa akin at doon ko naman siya sinunod.
“Lagay mo, mahal kita.” Nakangiting suhestiyon naman ni Bon.
’Di na ako umimik pa, doon ko sinulatan ang drawing sa ibabang parte ng “Mahal Kita.”
Kasabay noon ay pinunit ko ito at ibinigay kay Lin na malawak ang pagkakangiti na tila galak na galak sa ibinigay ko sa kanya.
Tumayo ito sa harapan namin ni Bon, “Thank you!” nakangiti niyang pagbati kasabay ng pagtalikod niya.
Doon namin pinanood ang pagtakbo ni Lin sa iba pang mga tropa rito sa gitna ng malawak na field.
Napalaki nalang ang aking mata nang makita kong huminto si Lin sa harapan ni Emilio, na noo’y may kausap na ilang tropa. May kung ano namang kumabog sa dibdib ko, isang hindi pamilyar na kaba na mabilis na gumapang paitaas.
Mas lalo pang bumigat ang pakiramdam ko nang iabot ni Lin sa kanya ang drawing.
Ang drawing ko.
Ang papel na sinulatan ko ng Mahal Kita. Na sa isip ko’y para lang sa isang batang walang muwang, isang inosenteng hiling, isang simpleng alaala.
Ngunit nang ituro ni Lin ang direksyon ko bago ito tumakbo palayo, parang may humigpit bigla sa aking lalamunan.
Nakita kong bumaling ang tingin ni Emilio sa akin.
Hindi ko na hinintay kung ano pa ang magiging reaksyon niya dahil mabilis akong tumayo sa pagkakaupo at humakbang papalayo sa kinauupuan namin.
“Hoy, saan ka pupunta!?” rinig ko pang hiyaw ni Bon.
Dis-oras na ng gabi. Binabalot na ng mas pinalamig na simoy ng hangin ang buong paligid habang maliwanag ang pagsikat ng buwan.
Ako ngayon ay nasa labas ng dormitoryo, maingat ang ginagawang paghakbang ngunit may bilis na para bang bihasa na sa sunod-sunod na gabing pagtakas sa dilim.
Kasalukuyan kong binabagtas ang daan sa dating tagpuan, sa ilalim ng puno ng mangga na saksi sa mga gabing usapan at mahihinang tawanan mula sa mga pagtakas namin ni Emilio.
Kita ko itong nakaupo sa troso, nakatalikod mula sa nilalakaran ko at taimtim na naghihintay habang kung anong may kinakalikot sa hawak-hawak niya. Ang gitara nitong patagong tinutugtog ay nakatayo sa gilid nito.
Nang makalapit ako sa pwesto ni Emilio ay doon ko nakitang kinakalikot niya ang isang maliit na radyo.
“Pasensya na, nakatulog ako.” Salubong kong wika sa kanya kasabay ng pag-upo sa tabi nito.
Mabilis itong bumaling sa akin.
Gumuhit sa kanyang labi ang matamis na ngiti, “Ayos lang. Kadadating ko lang din.” Tugon nito.
“Ano ’yan?” mahina kong wika, halos pabulong, na para bang ayokong masira ang katahimikan sa pagitan namin.
Doon niya inilahad sa akin ang kulay itim na radyo, “Inaayos ko, binigay ni Lieutenant kanina.” Tugon nito.
“Napatugtog ko na kanina eh. Nawala ulit.” Lahad nito sa akin.
“May estasyon pa rin?” taka kong wika sa kanya at ito’y tumango.
“May ilang estasyon pa rin ang nagpapatuloy, pero yung iba ay huminto na.” Tugon nito sa akin.
May kirot ang pumasok sa dibdib ko sa salitang huminto na. Hindi ko alam kung radyo lang ba ang tinutukoy niya o kung may mas malalim pa roon. Dahil sa kaguluhan sa panahong ito, marami na talagang humihinto. Mga boses. Mga pangarap. Mga buhay.
Doon ko lang napansin ang mga palad at daliri nito.
“Anong nangyari sa kamay mo?” Pag-aalala kong wika sa kanya.
Inilapag niya ang radyo sa gitna namin bago niya inilahad ang dalawa niyang kamay.
Kahit buwan lang ang nagbibigay liwanag sa paligid ay malinaw kong nakita ang mga sugat, mga gasgas sa palad, bahid ng dugo sa pagitan ng mga daliri, at mga hiwang tila hindi basta nagmula sa simpleng pagbubuhat lang ng kung ano.
“Emilio…” mahina kong tawag, halos hindi ko marinig ang sarili kong boses.
Inabot ng kamay ko ang kanya nang hindi ko namamalayan, marahan, parang baka masaktan ko pa siya kung madiinan ko. Mainit ang balat niya, magaspang, mga kamay ng lalaking sanay masaktan, sanay hindi magreklamo.
“Wala ’yan.” Mabilis niyang tugon, pilit na magaan ang tono.
Ngunit hindi ako kumbinsido.
Hindi ko alam kung kailan ako natutong maging ganito, ang mapansin ang maliliit na detalye sa kanya na para bang noong una ay pinagtatabuyan ko siya.
“Hindi ’yan wala.” Mahina kong wika, “Dumudugo pa.” Dagdag ko habang patuloy na nakatingin sa mga kamay niya.
“Nagpatulong kanina si Lieutenant na magpakuha ng mga rattan,” lahad niya.
“Hindi ko alam na matinik pala ’yon, kaya ’yan ang inabot ko.” Nakangiti pa niyang dagdag, na para bang maliit na bagay lang ang mga sugat sa kanyang kamay.
Napailing na lang ako.
Binitiwan ko ang pagkakakapit sa kanyang mga kamay bago ko hinugot ang puting panyo na nasa bulsa ko.
Hindi na ako nagsalita pa at kusa na lang gumalaw ang mga kamay ko. Dahan-dahan kong pinunasan ang kanyang mga palad, isa-isa, pati ang pagitan ng kanyang mga daliri. Ingat na ingat, na para bang anumang maling galaw ay makakadagdag sa sakit na pilit niyang binabalewala.
Ramdam ko ang init ng balat niya. Mas malinaw kaysa sa liwanag ng buwan.
Alam kong sa mga sandaling iyon ay nakangiti si Emilio, ’yong ngiting parang may napanalunan, na para bang ang simpleng pag-aalaga ko ay isang tagumpay na ayaw niyang ipagkait sa sarili.
“Ano ’yong binigay ni Lin kanina?” bigla niyang tanong, may halong panunukso sa boses.
“Asa ka.” Mabilis kong tugon, pilit na walang emosyon, kahit ramdam kong umiinit ang mukha ko.
Tumawa lang siya.
Nagtagal pa kami sa ganoong ayos, magkatabi, tahimik, dinadama ang malamig at madilim na gabi.
Ang pagtakas naming tuwing gabi ay parang pansamantalang pagtakas sa reyalidad, isang munting pahinga mula sa kaba at bigat ng katotohanang papalapit na ang araw ng pagpapadala namin sa Bataan.
At sa gitna ng katahimikan, malinaw sa akin na hindi lang ang gabi ang malamig, kung ’di ang hinaharap na pilit naming iniiwasang banggitin.
“Ay. May ibibigay ako sa ’yo.” Utas ni Emilio bago niya iginayak ang sarili para may kuhanin sa kanyang bulsa.
“Ginawa ko kanina.” Lahad nito, bago niya ipinakita ang hinugot niya sa bulsa.
Isang polseras.
Polseras na gawa sa rattan.
“Tinuruan ako ng lola kung paano gumawa,” paliwanag niya, may bahagyang ngiti. “Ibinebenta niya ’yon. Kaya kahit anong materyales, marunong akong gumawa.”
Doon ay hindi ako nakaimik, hinayaan kong ikabit niya sa aking kanang pulsuhan ang pulseras na gawa sa rattan, banayad ang galaw ng kanyang mga daliri, maingat, parang natatakot na baka mabali ang sandali kung masyado niyang higpitan.
“Maligayang pasko, Caloy,” mahina niyang wika.
Hindi ko alam na ang araw na ito ay espesyal. Sa mga araw na pananaliti ko rito, tila ba hindi ko na alam kung anong araw at panahon ang meroon ngayon.
“Hindi ko na alam na pasko, wala akong regalo.” Hiyang wika ko sa kanya dahil hindi ko na sinubaybayan ang panahon at mga araw.
Umiling siya habang nakangiti. ’Yong ngiting hindi naghahanap ng kapalit.
“Makasama ka lang, sapat na.”
Sasagot palang ako ay doon biglang tumunog ang radyo na nasa gitna namin, tunog nito’y putol-putol at gasgas, parang malakas na ulan.
Mabilis na kinuha ni Emilio ang radyo sabay kinalikot ang pindutan dito na parang hinahanapan ng maayos na estasyon.
Ilang segundo pa ay doon tumigil ang gasgas na tunog.
Isang awitin ang inilalabas ng radyo nang mapunta ito sa maayos na estasyon.
Isang pamilyar na awit ang nagsimulang tumugtog, na parang narinig ko nang pinapatugtog ng aking nanay.
“Paborito ko ’tong awitin.” Wika ni Emilio kasabay noon ay muli niyang inilapag ang radyo sa gitna namin.
Iginayak naming dalawa ang sarili para bumaling ng tingin sa liwanag ng buwan at anino ng matatayog na pine trees na sumasayaw sa pag-ihip ng hangin.
Kasabay noon ay nagsimulang umawit ang isang mang-aawait na lalake sa radyo.
“Dahil sa ’yo nais kong mabuhay
Dahil sa ’yo hanggang mamatay“
Patuloy ang aming pakikinig nang doon siya nagsalita.
“Anong plano mo pagkatapos nang lahat ng ’to?” wika niya habang diretso ang tingin sa harapan.
“Siguro…” huminga muna ako. “Itutuloy ko ang pag-aaral. Maghahanap ng marangal na trabaho. Bibigyan ng mas maayos na buhay ang nanay ko.”
Bumaling ako sa kanya at saksi ko sa kanyang mata ang tila pagkalumbay.
“Ikaw?” balik kong tanong.
“Dapat mong tantuin
Wala ng ibang giliw“
Umiling siya, “Hindi ko alam. Baka ituloy ko nalang yung gusto rin ng tiyo na sumama ako sa Cebu, sa koprahan nila.” Tugon nito sa akin.
Hindi ko alam kung ano bang bigla kong naramdaman, isang kirot na para bang hindi ’yon ang gusto kong sabihin, at hindi rin iyon ang gusto kong marinig sa sagot niya.
“Puso ko’y tanungin
Ikaw at ikaw rin“
Muli akong bumaling ng tingin sa kawalan at ilang minutong kinain ng katahimikan ang paligid bago ako humugot ng lakas ng loob na magsalita.
“Dahil sa ’yo ako’y lumigaya
Pagmamahal ay alayan ka“
Bumaling ako ng tingin sa kanya…
“Paano yung tayo?” tila ba nangingilid ang luha sa aking mata.
Hindi ko alam, ang mga salitang iyon ay para bang milyon-milyon ang ibig sabihin.
Sa sandaling ito ay alam ko sa sarili kong nagkaroon ng puwang si Emilio sa puso ko.
Ngunit takot at pangamba ang nararamdaman ko, hindi dahil sa kanya, kung hindi dahil sa pag ibig na nakaamba sa panganib na naghihintay sa amin.
Saksi ko ang mga luhang pumapatak din sa mga mata ni Emilio, batid kong takot rin siya sa nakaabang sa aming dalawa.
“Kung tunay man ako
Ay alipinin mo
Ang lahat ng ito’y
Dahil sa ’yo“
Dadan-dahan siyang bumaling ng tingin sa akin. Ang mga mata niya’y nangungusap…
Hindi dahil sa takot.
Hindi rin galit.
Hindi dahil sa kasiyahan.
Hindi lang basta lungkot.
Kung hindi…pangungulila.
“Caloy…” basag ang kanyang boses sa mahinang pagtawag sa pangalan ko.
“Caloy, mahal kita.” Dagdag nito.
“Mahal kita, Caloy. Natatako-”
Hindi ko na siya hinayaang tapusin.
Siniil ko ang kanyang mga labi. Mainit, nanginginig, puno ng lahat ng salitang hindi na kailangang bigkasin. Saksi ang buwan. Saksi ang puno ng mangga. Saksi ang malamig na hangin sa gabi. Dalawang lalaking parehong nangungulila sa isa’t-isa, parehong nagmamahal.
“Kung tunay man ako
Ay alipinin mo
Ang lahat ng ito’y
Dahil sa ’yo“
Ilang minuto ang lumipas bago kami naghiwalay. Hawak niya ang mukha ko, mariin, parang ayaw akong pakawalan sa mundong ito.
“Kapag malaya na tayo,” wika niya, halos pabulong, “sana…maging malaya rin tayo.”
Hi guys! How’s the story so far? Grabe sila Emilio at Caloy!
Thank you for reading! Don’t forget to vote and share this story with your friends!
Kabanata 15
H I B A N G
Chaya, Mayoyao, Ifugao 2026
Sa malalim at malamig na gabi, ramdam ko ang mainit na likidong kumakawala mula sa aking nakapikit na mga mata.
Ang panaginip na iyon ay hindi basta-basta at hindi lang isang guni-guni na madaling limutin paggising. Isa itong panaginip na malinaw, malinaw na unti-unting sasagot sa mga tanong na kung sino ba si Emilio at Caloy.
Isang bagay ang natitiyak ko, may koneksyon ang dalawang iyon sa buhay ko ngayon.
Nanikip ang aking dibdib, puno ng mga emosyong iniwan ng kanilang mga tinig, mga titig, at mga pangakong hindi ko alam kung natupad ba. Isang mabigat sa loob na hindi ko maipaliwanag, ngunit ramdam ko hanggang sa aking paghinga.
Iminulat ko ang aking mga mata at bahagyang kinapa ang aking kanang pulsuhan.
Ang polseras na ibinigay ni Emilio kay Caloy ay halintulad sa bracelet kong ibinigay sa akin ni Papa na ngayon ay bigla nalang nawala.
Ang tanong ko ngayon ay sinong kumuha?
Sa hindi ko malamang dahilan, bigla akong bumalikwas ng bangon. Agad kong dinampot ang lamparang nakapatong sa maliit na lamesa at sinindihan ito, isang munting liwanag na magsisilbing panangga laban sa malamig na dilim.
Pagkabukas ko pa lamang ng pintuan ng kubo ay sinalubong na ako ng simoy ng malamig na hangin na tila pumapaso sa aking balat.
Bitbit ang lampara, iginayak ko ang aking sarili at tuluyang lumabas, dala ang paniniwalang may isang bagay sa labas na magiging tulay upang lubos kong maunawaan ang hindi matapos-tapos na panaginip.
Sa tulong ng munting liwanag ng lampara at ng sinag ng buwan, sinimulan kong suyurin ang paligid ng kubo at umaasang baka nalaglag lamang ang bracelet na iyon.
Walang bahid ng takot sa aking dibdib. Ang nangingibabaw ay determinasyon. Kailangang masagot ang mga tanong na sino ba talaga sila sa buhay ko? At sino ang aninong matagal nang sumusunod, tahimik ngunit mapagmatyag?
Sa patuloy kong paghahanap ay napadpad ako sa kusina na walang sindi ng ilaw. Muli kong pinatatag ang sarili, sinuyod ang paligid, ngunit wala pa ring bakas ng hinahanap ko.
Hanggang sa biglang mabaling ang aking pansin sa ilalim ng puno ng mangga.
Tumigil ako. Huminga nang malalim.
At doon ko nakita ang isang pamilyar na hugis ng katawan, nakatalikod sa aking kinaroroonan.
“Anong ginagawa niya?” bulong ko sa hangin.
Dis-oras na ng gabi nang matanaw ko ang Bossing na taimtim na nakaupo sa ibabaw ng isang troso.
Suot niya ang puting long-sleeve na malinaw na sinasalubong ng sinag ng buwan, para bang siya mismo’y hinahaplos ng liwanag.
Sa kanyang tabi ay nakatayo ang gitara, bahagyang nakasandal sa troso, tila katatapos lamang niyang tugtugin.
Diretso ang kanyang tingin sa harapan, waring pinagmamasdan ang malawak ngunit balot ng dilim na mga hagdang-hagdang palayan.
Hindi ko namalayang humahakbang na pala ako palapit sa kanya.
Napapalunok ako bago tuluyang umupo sa kanyang tabi. Inilapag ko ang lampara sa tabi ng kinauupuan ko.
Walang imik. Walang palitan ng salita.
Huminga ako nang malalim at ginaya ang kanyang postura na diretsong nakatingin sa harapan, sa maliwanag na sinag ng buwan na nagbibigay-buhay sa malawak na taniman sa ibaba.
Ilang minuto naming sabay na dinama ang pagdampi ng malamig na hangin sa balat. Ang paligid ay pinupuno ng tunog ng mga kulisap, paminsan-minsang tahol ng mga aso, at ang mahihinang huni ng mga hayop na nakapailalim sa gabi.
Sa gitna ng katahimikan, nagliliparan ang mga alitaptap, maliliit na ilaw na kumikislap sa dilim.
Sa sandaling iyon, wala na akong ibang nasabi kundi ‘perpekto ang oras na ito’
“Si Emilio at Caloy.” Mahina kong ibinulong sa hangin na sapat lamang para marinig ng taong katabi ko.
Diretso ang aking tingin sa maliwanag na buwan, na para bang ito ang ikalawang pagkakataong naging masarap itong pagmasdan.
“Mga karakter sa matagal ko nang panaginip,” patuloy kong wika sa kawalan. “Sa una, mga boses lang. Sumunod, nagkaroon ng anyo, may mukha, may galaw, may damdamin.”
Bahagya akong napatawa sa sarili, sa bigat ng mga salitang binibitawan ko.
“Pakiramdam ko’y may koneksyon sila sa buhay ko ngayon.”
Ramdam ko ang pagbagal ng oras, tila pinipili ng gabi na pakinggan ako.
“Mga aninong ilang taon nang sumusunod sa akin…” mahina kong utas, “…na para bang ako lang ang nakakakita. Ako lang ang nakakadama.”
Hindi ko alam kung bakit, ngunit malakas ang loob kong sabihin ang lahat ng ito sa kanya, na pakiramdam ko’y maiintindihan niya ako.
“May mga tanong na ilang taon ko nang gustong masagot,” dugtong ko.
“At nang makatapak ang mga paa ko rito sa Cordillera, pakiramdam ko’y pira-pirasong sagot ang unti-unting nabubuo at lahat patungo sa iisang tanong.”
Dahan-dahan akong bumaling ng tingin sa kanya.
At nang magtagpo ang aming mga mata, para bang pangalawang beses ko na silang nakita.
Masarap silang pagmasdan.
“Bossing.” Paos ang boses kong tumawag sa kanya.
Hindi siya lumingon, ngunit alam kong narinig niya ako dahil alam kong nakikinig siya.
“Naniniwala po ba kayo sa reincarnation?” Seryoso ang tono ko, halos nanginginig sa pagitan ng tapang at takot.
Hindi siya agad sumagot. Sandaling inakala kong binalewala niya ang tanong, na para bang hangin lang ang mga salitang binitiwan ko.
Ibabalik ko na sana ang tingin ko sa harapan nang bigla siyang nagsalita.
“Isang kahibangan.” Matigas. Walang puwang para sa alinlangan. Doon ko naramdaman ang paghigpit ng kanyang kamao.
Muli akong bumaling sa kanya. Nakakunot ang noo niya, isang ekspresyon na malinaw na hindi niya ikinatuwa ang itinatanong ko.
“Ang buhay ay hindi larong inuulit,” malamig niyang wika.
“Kapag nahulog ang palay, lupa ang kinahihinatnan at hindi isang bagong katawan.” May bigat ang bawat salita, parang sadyang pinipili para durugin ang iniisip ko.
Dahan-dahan siyang bumaling sa akin.
Sinalubong ako ng mga matang mapanghusga, ang kilay ay magkasalubong, ang anyo’y iritado na parang hinuhusgahan hindi lang ang tanong ko, kundi ang buong pagkatao ko.
“Ito.” Madiin niyang sambit sabay turo sa sariling sintido.
“Ito ang gumagawa ng kuwento. Ito ang nagdidikta sa nararamdaman mo.”
Para bang idiniin niya sa akin na ang lahat nag panaginip, ang mga anino, si Emilio, si Caloy ay isang kathang-isip lamang. Isang palabas na nililikha ng sarili kong utak.
“Isang pantasya. Kahibangan. Walang katotohanan.” Mas tumalim ang kanyang tinig.
“Hindi mo kailangan ng sagot sa mga tanong na ’yan.”
Saglit siyang huminto, “Simulan mong kalimutan, bago pa dumating ang araw na tuluyan kang mawalan sa katinuan.”
Doon ako napasalita.
“Sinasabi n’yo ho bang isa akong baliw?” Iritado ang boses ko, ngunit mas nangingibabaw ang sakit.
Sandali siyang tumitig sa akin, bago sumagot.
“Sa ’yo nagmula ’yan.”
Pagkatapos, tumayo siya mula sa pagkakaupo, walang paalam, walang paliwanag.
Humakbang siyang papaalis, iniwan akong mag-isa sa ilalim ng buwan, kasama ang mga tanong na lalo lamang dumami.
Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman, may bahagi sa aking puso at isipan na hindi lang basta sila gawa-gawa.
Tumayo ako sa pagkakaupo. Doon humakbang nang mabilis pahabol sa kanya.
“Hindi sila basta kung sino lang!” Mariin kong wika bago tumigil sa paghakbang.
“Kung sino lang?” sarkastiko niyang tugon.
“Emilio? Caloy? Hindi ba’t sabi mo ay katha lamang iyon sa isip mo?”
Ramdam ko ang kanyang pagngisi, may halong panunuya, tila natatawa sa sinabi ko.
“Hindi sila gawa-gawa ng imahinasyon ko.” iginiit ko, “Ilang taon…ilang taon silang tumatakbo sa isip ko, ilang taon silang nag-uusap, ilang taong silang nagpaparamdam….”
“…ilang taon na pakiramdam ko ay may gusto silang sabihin, ilang taon akong naghahanap ng sagot sa mga tanong nila. Ilang taon-”
“Nagpapantasya ka lang,” mariin niyang pagputol.
Tila ba ang aking luha’y nangingilid na. Huminga ako ng malalim bago muling nagsalita.
“Isa kang Mumbaki,” wika ko, “Hindi ho ba’t dapat bukas ang isip mo dito?”
Hindi ito umimik, ngunit kita ko ang mabilis niyang mga paghinga.
“Hindi ba dapat na ako’y tulungan niyo sa bagay na ito?” halos pakiusap kong wika.
“Hindi lang ito basta panaginip, isa ’tong bagay na gusto ko ng matapos. Matapos ang ilang taong pagsunod sa akin ng mga anino. Kaya…kung maari sana, ay tulungan niyo po ako.” Tila ba pagsuko ko sa kanya.
Hindi ako nito pinansin ngunit muli siyang humakbang papunta na sa kanyang munting kubo.
Hinabol ko siya at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay pinigilan ko ito sa paraang paghawak sa kanyang kanang pulsuhan.
Siya naman ay napaharap sa akin kasabay ng pagbago ng kanyang mga mata…
Matang nangungusap.
Hindi dahil sa inis. Hindi dahil sa galit. Hindi rin dahil sa galak. Hindi basta lungkot.
Kung hindi…pangungulila.
“Noong isang gabi…” panimula kong wika sa kanya at bahagyang nanginginig ang boses.
“…sabihin niyo po sa akin na hindi isang pinading ang nagpakita sa harapan ko.”
Diretso ang tingin ko sa kanya, mata sa mata.
“Ikaw.” Wika ko, “Si Emilio.”
“Hindi ako ang karakter sa pantasya mo!” Mabilis niyang inalis ang pagkakahawak ko sa kanyang pulsuhan.
“At hindi rin tayo magkakilala para umasta ka ng ganito.” Ramdam ko ang galit sa kanyang wika.
“Isa kang dayuhan kaya ayusin mo ang ikinikilos mo.” Hindi ako nakapagsalita dahil sa paraan ng kanyang pagbabanta.
“Kung hindi mo gusto ang presensya ko.” Nanlilisik ang kanyang mga mata, “Mabuti pang tapusin niyo na ng maaga ang trabaho niyo.” Muli siyang tumalikod.
“Nakikituloy kayo at tinanggap ko kayo rito kaya sana ay ayusin mo ang kilos mo,” huli niyang wika bago tuluyang pumasok sa kanyang kwarto.
Naiwan akong nakatayo, hindi makapagsalita, pinakiramdaman ko nalang ang mainit na likidong kumawala sa aking mga mata at doon nalang biglang pumasok sa aking isipan…
…na hindi nga ba ako nahihibang lang?
Thank you for reading! Don’t forget to vote and share this story with your friends!
Kabanata 16
M A R E L
“Amir! Where’s my eyeglasses and my cellphone? Tinago mo ba!?” Ang pagsigaw ni Ghon mula sa loob ng kubo.
Pasado alas-syete ng umaga rito sa Barangay Chaya, Mayoyao, Ifugao. Nagsisimula nang magpakita ng sinag si haring araw.
“Hanapin mo!” panunuya ni Amir habang komportable ang pagkakaupo rito sa may kusina.
Umagang-umaga ay cellphone ang hawak niya, naglalaro na naman ng online games.
Samantalang ako naman ay sinisimulan nang lutuin ang aming magiging umagahan.
Nakasalang na ang sinangag dahil may natira pang kanin mula kagabi, nakahanda na rin sa chopping board ang okra at talong na ipiprito at ipapares sa nilagang itlog, kamatis at bagoong.
“Kailan pala tayo mamamalengke? Ipapahiram daw ni Tita Lola yung mini ref na napalanunan niya sa raffle, hinahanap na ng labi ko ang lasa ng hotdog at longganisa eh.” Tila reklamo ni Amir habang diretso sa kanyang ginagawang paglalaro.
Sa nakalipas na ilang araw ay paulit-ulit na ang aming nagiging pagkain. Kung hindi pritong itlog, ay nilagang gulay ang kinakain. Hindi naman ako nagrereklamo, dahil masustansya naman ito.
“Pwede naman sa Sabado. May natira pa naman sa mga dala natin.” Tugon ko sa kanya habang patuloy sa paghalo ng sinangag.
“Amir! I can’t find it! Saan mo nilagay?” Muling atungal ni Ghon habang papalapit sa pwesto namin.
“Good morning, Bossing!” Masiglang bati niya sa lalaking nasa ilalim ng puno ng mangga, patuloy sa walang humpay na pagbayo ng palay, taas at baba na tila bahagi na ng ritmo ng umaga.
Tuluyan nang nakalapit si Ghon sa amin. “Nasaan ang salamin at cellphone ko?” singhal nito kay Amir.
“Aba, hindi ko alam!” depensa ni Amir. “Hinahanap ba o inuuna mo na naman ang bibig kaysa mata?” May kasunod pang panunuya kaya agad siyang inabot ng ilang mahihinang suntok.
“Akin na kasi! Ibigay mo na!” atungal ni Ghon habang kinakapkapan si Amir na tawa naman nang tawa.
“Aray ko!” natatawa pa rin nitong wika. “Sino muna ’yung ka-chat mo?” May pang-aasar sa tono.
Doon na niya tuluyang inilabas ang itinatagong cellphone mula sa bulsa at ang salamin nito sa mata.
“Akin na!” Agad itong inagaw ni Ghon.
“Sino si Jeniper? Nag I love you ka nakita ko,” pahabol pang tanong ni Amir.
“Gago, mommy ko ’yon.” Sagot ni Ghon.
Tawanan na lang ang sumunod, kasabay sa ritmo ng pagbayo ng palay mula sa lalaking tila iwas sa presensya ko.
Lumipas pa ang ilang minuto at sinimulan na namin ang pagkain ng umagahan. Nakaayos kami sa hapag, si Ghon sa kanan ko, si Amir sa unahan, at sa gilid ay ang Bossing na ramdam ko ang sinasadya niyang pag-iwas sa tuwing binabaling ko ang tingin sa kanya.
“Kumakain ka na ba ng hotdog, Bossing?” Basag-katahimikan ni Amir habang ngumunguya.
“Hindi ako kumakain ng mga prosesong pagkain.” Maikli at diretso ang tugon nito.
“Don’t influence him with a bad diet,” singit ni Ghon sa tabi ko. “Just look at his body, it’s healthy. Unlike yours.” May kasamang panunulsol na tingin kay Amir.
“Huwat?” Napangisi si Amir bago ibinida ang litaw niyang mga braso sa puting sando.
“Baka iuntog kita sa muscles ko!” mayabang nitong tugon habang ibinabalandra ang putok na braso.
“Muscles? Baka maskels?” Pang-aasar ni Ghon na agad ikinatawa namin.
Bahagya akong napatingin sa Bossing. Nakangisi rin siya, isang sandaling bihira, ngunit nang magtama ang aming mga mata, mabilis na naglaho ang ngiti sa kanyang labi, tila walang nangyari.
“Baka mamalengke kami sa Sabado, Bossing,” wika ni Amir. “May ipabibili ka ba?”
“Wala naman,” tugon nito. “Yung gasolina na lang ng generator n’yo.”
Tumango si Amir. “Saan pala yung motor mo, Bossing?”
“Gagamitin mo?” maingat na tanong ng lalaki.
“Ay hindi,” natatawang sagot ni Amir. “Tinanong ko lang, namiss ko lang.”
Umiling lang ang Bossing. “Kay Lolo Edgar. Hiramin n’yo na lang din yung kanya.”
Pagkatapos ay bumaling siya kay Ghon. “You know how to drive a motorcycle, Ghon?”
“Yes, Bossing,” tugon nito bago muling nagtuon sa pagkain.
Ramdam ko ang marahang kulbit ni Ghon sa aking tagiliran. “You know how to drive, Cali?” halos pabulong niyang wika.
Umiling ako. Kahit anong sasakyan, hindi ako marunong.
“Angkas ka na lang sa ’kin,” alok niya na may ngiti.
“Hindi,” mabilis na utas ni Amir mula sa unahan. “Sa akin aangkas si Cali. Kung ano pa mangyari sa pagda-drive mo.”
“What?” singit ni Ghon. “I have A, B, C code restrictions on my license.” Tila hindi paawat yabang nito sa lalaking nasa harapan niya.
“A-b-c, a-b-c ka diyan. Baka fixer pa nga ’yan eh.” Hindi rin nito paawat sa kanya, napailing nalang ako.
“Kailan niyo gagamitin ang motor?” ang wika ng Bossing.
“Sa Sabado ngani. Pati…” saglit na huminto si Amir bago bumaling sa akin, “Cali, kailan tayo pupunta sa Nagchagan Viewpoint?” tanong nito sa akin.
“Ha?” mabilis kong tugon.
“Nung isang araw tinanong mo ako kung mabilis lang ba papunta sa Nagchagan, akala ko ay pupunta tayo? Kailan?” pagpapaalala niya sa akin.
Napatango nalang ako, “Next week yung para sa history ng place,” tugon ko alinsunod sa flow ng aming study.
Tumango naman si Amir bago muling bumaling ng tingin kay Bossing, nagtaas baba ang kanyang kilay tanda na narinig niya dapat ang aking iwinika.
“Oo nga pala Bossing, kahapon nakita ko si Marel.” Panimulang wika ni Amir, “Akala ko kung sino, dokto-”
Hindi na niya natapos ang sasabihin nang makarinig kami ng mahinang tawag mula sa likuran.
“Bossing.” Mahina ang boses, ngunit sapat para maagaw ang atensyon naming lahat.
Sabay-sabay kaming napalingon sa pinanggalingan ng tinig at doon ay sumalubong sa amin ang isang babaeng nakatayo sa gilid.
Suot niya ang puting bistida na bagay sa maputi at makinis niyang balat. Maayos na nakapusod ang buhok sa likod, at ang kanyang mukha ay tinatamaan ng sikat ng araw, liwanag na lalong nagpalitaw sa natural niyang ganda.
“Magandang umaga,” nakangiting bati niya.
Napabaling ang tingin namin sa Bossing. Tumayo ito mula sa kinauupuan at humakbang palapit sa babae. May ngiting isinukli, isang ngiti na hindi ko pa nakitang ibinigay niya sa amin.
“Amir,” tawag ng babae sa lalaking nasa unahan ko.
Kumaway si Amir bilang tugon.
Saglit na bumaling sa amin ang Bossing bago niya inakay ang babae palayo, patungo sa ilalim ng puno ng mangga. Doon sila umupo sa troso, magkatabi, nakatalikod sa amin.
Tahimik kong pinanood ang tagpong iyon, ang distansyang unti-unting nabuo sa pagitan namin.
“Is that…” mahinang utas ni Ghon, “…the girl from yesterday?”
Hindi ako umimik at itinuloy ko na lamang ang aking pagkain.
Ibinaling ko ang aking atensyon sa plato sa aking harapan na para bang hindi pa nababawasan ang laman nito, kahit ilang subo na ang nagdaan. May kung anong bigat sa aking dibdib na hindi ko maipaliwanag, kaya mas pinili kong ituon ang pansin sa pagkain.
“Who is she?” tanong ni Ghon kay Amir na patuloy pa rin sa pagkain, nakataas pa ang isang paa.
“Kababata namin. Si Marel,” panimula ni Amir. “Classmate ko mula kinder hanggang grade six. Hanggang sa lumipat kami. Lumipat din ’ata sila ilang taon lang, para sa pag-aaral niya.” Dagdag pa nito.
“She’s a doctor?” usisa ni Ghon.
Tumango si Amir. “Dalawang beses sa isang buwan siyang dumadalaw dito sa Chaya, ’yon ang sabi ni Tita Lola. Kahit na may mumbaki, may doktora pa rin.” Lahad niya.
Saglit akong napabaling ng tingin sa ilalim ng puno ng mangga.
Malapit silang dalawa sa isa’t isa sa paraan ng kanilang pag-uusap, walang pigil ang palitan ng ngiti, para bang ngayon lang ulit sila nagkita matapos ang mahabang panahon. May uri ng gaan sa pagitan nila na hindi kailangang ipaliwanag.
“Madalas din kaming maglaro ni Marel dito sa bahay nila Bossing,” pagpapatuloy ni Amir. “Sa katunayan, hindi gusto ni Bossing tuwing may isinasama ako kapag naglalaro kami noon. Kaya gulat na lang ako na parang magkasundo na sila ngayon.”
Ramdam kong nakabaling ang tingin ni Amir sa akin, ngunit hindi ko siya tiningnan.
“Maybe they are in a relationship?” gatong ni Ghon. “What do you think, Cali? Do you think they are in a relationship?”
Tanging pagtaas ng balikat ang isinagot ko bago muling isinubo ang pagkain.
“Bilisan na natin, para makababa na tayo.” Tanging nasambit ko na lamang, dahil sa mga oras na ito ay gusto ko ng matapos ang aming pag-aaral.
Kabanata 17
S A B O N
“Are you intrigued by Marel?” pasumalang wika ni Ghon sa unahan ko.
Alas-diyes ng umaga. Kasalukuyan na kaming pababa sa sentro, tanging si Ghon at ako na lang dahil nauna na si Amir.
“Hindi. Bakit mo natanong?” tugon ko habang maingat na humahakbang sa bato-batong hagdan.
“I mean, Bossing seems nice to her, unlike with you,” diretso niyang lahad, walang preno ang bibig.
“Ano naman kung mabait siya kay Marel?” mabilis kong sagot, mas mabilis kaysa sa inaasahan ko. “Wala naman akong magagawa doon.”
“So you already accepted that Bossing is mistreating you?” tanong niya. “Do you think there is any reason why he behaves like that to you?”
Sandaling huminto ang mga paa ko sa pagbaba.
“Baka hindi niya lang siguro gusto ang presensya ko,” matipid kong tugon. Mas pinili kong ituon ang tingin sa mga hakbang sa harap ko, mas madaling intindihin ang lupa kaysa sa mga tanong niya.
“Why?” pagpapatuloy ni Ghon. “You don’t look intimidating. You look like a calm person. Para ka ngang marshmallow eh.” Natawa pa siya sa dulo. “Cute-cute mo kaya.”
Hindi na ako tumugon. Ipinagpatuloy ko na lamang ang pagbaba, ramdam ang bigat sa dibdib na pilit kong binabalewala. May mga bagay talagang mas madaling lakaran pababa kaysa pag-isipan.
“Actually…”
Bigla siyang tumigil. Napahinto rin ako.
Humarap siya sa akin. “I saw you guys last night.”
Bahagya akong napalunok.
Nakangiti siya, iyong klaseng ngiting alam mong may alam, pero hindi ka huhusgahan.
“I’m not going to ask what you guys were talking about. I mean, it’s midnight. Seeing a drama like that felt like I was watching a TV series.” Natatawa niyang dagdag.
Ngunit hindi nawala ang kaba sa sikmura ko.
“But I’m going to say this,” dugtong niya, “I’m with you. I’m boarding your ship.”
Napakunot ang noo ko. “Kung ano-anong sinasabi mo,” utas ko sa kanya, “Bilisan mo na, para makatapos tayo agad.”
Doon ay muling ipinagpatuloy namin ni Ghon ang pagbaba sa sentro.
“Ako si Berta Dumangeng, forty nine na ako. Dito na ako sa Mayoyao lumaki, nag asawa, at nagkaroon ng isang anak na babae, na isang guro na sa Maynila.” Ang pagpapakilala sa amin ng isang nanay na nakasuot ng pulang bestida na tila pinaghandaan ang aming interview.
“Ang aking asawa ay isang magsasaka, samantalang ako naman ay dito sa bahay nagbabantay sa aming munting tindahan,” dagdag pa nito.
Nandito kami ngayon sa isang eskinita, dito sa harap ng maliit na tindahan ni Aling Berta. Siya ngayon ay nakaupo sa aming harapan, patalikod sa kanyang tindahan.
Samantalang nakatayo at magkatabi kami ni Ghon na ngayon ay kinukuhanan ng bidyo ang interview.
Si Amir naman ay nasa gilid, ngumunguya ng sitsirya habang katabi ay mga batang pinanonood ang aming ginagawa.
“Kumusta po ang araw-araw na buhay dito sa Mayoyao?” tanong sa kanya.
“Masaya,” diretso nitong tugon. “Masaya rito sa Mayoyao, hindi ko masasabing magaan dahil dumaan din naman kami sa kahirapan…” pangunang salaysay nito.
“Naitaguyod naming mag-asawa ang aming anak, mula sa kanyang pagsasaka at dito sa aming tindahan,” wika nito.
“Sa katunayan ay maaga akong naulila, isinama lang ako ng aking Tiyo Efren dito sa Chaya, labing apat lang ako noon. Tapos ilang taon din ay kinuha rin ang buhay ng aking Tiyo.” Patuloy niyang wika.
“Wala akong kasama kung hindi itaguyod ang sarili mag isa…” Batid ko ang lungkot sa nakaraan ni Aling Berta, “…pero hindi ko naramdaman na mag-isa lang ako sa buhay.” Nakangiti nitong wika.
“Dito sa Mayoyao, lahat ay pamilya mo,” basa ko ang galak sa kanyang mata, “Lahat ay tulong-tulong.”
“Isa sa aking pasasalamat kay Tita Lola at Apo Lumawig na siyang gumabay sa akin para matapos ko ang sekondarya. Binalak pa nilang pag-aralin ako noon sa college, pero maaga akong nabuntis,” lahad pa nito at sandaling ngumiti.
“Mabuti naman ang aking asawa, dahilan para mas maging mabuti rin ang aking anak.” Patapos nitong kuwento.
“Ano po ba ang katangian ng isang taga-Mayoyao?” tanong ko.
“Kung maasikaso ang isang Pinoy…” panimula ni Aling Berta, “…mas doble pa ang kabaitan ng mga nakatira rito sa Mayoyao. Lahat nagtutulungan, hindi nagpapataasan.”
Bahagya pa siyang napatawa bago magpatuloy. “Pumasok ka nga lang sa isang bahay, yayayain ka na agad na sumabay sa pagkain nila.”
“Bayanihan kumbaga,” dagdag niya. “Kung may nangangailangan ng tulong, walang hindi tutulong. Kung may tagumpay ang isa, tagumpay na rin ng lahat.” Galak ang himig ng kanyang boses.
Napangiti na lamang kaming dalawa ni Ghon sa paraan ng kanyang paglalarawan. Batid kong tama siya, iyon din ang naging obserbasyon ko sa mga nakalipas na araw ng pananatili ko rito.
Ang mainit na pagtanggap, ang mga ngiting walang hinihinging kapalit, ang pakiramdam na kahit dayo ka ay may puwang ka sa kanila.
Maliban na lamang sa isa.
Ang Bossing.
“Si Bossing,” biglang wika ni Aling Berta, diretso ang tingin sa akin.
“Isa rin sa mga ipinagpapasalamat ko. Dahil sa kanya, binibigyan niya kami at ang mga magsasaka ng magandang ani at gabay sa aming pangkabuhayan.” Nakangiti niyang lahad.
“Mabuting tao si Bossing, kahit sa murang edad niya ay matulungin ito, maaalahanin, at talagang maasahan mo siya sa lahat.”
Tumango na lamang ako bilang tugon.
Ngunit sa loob-loob ko, may bahagyang kurot, isang tahimik na tanong na hindi ko mailabas na kung ganito ang mga taga-Mayoyao, kung ganito ang mga tao rito…bakit tila ako lamang ang hindi niya itinatrato sa paraan ng deskripsyon ni Aling Berta?
“Aling Berta, hidya di pang-iyammo?” Napatigil ang aming interview nang may ilang kabataang huminto sa aming gilid, pasan ang mga kahoy sa kanilang mga balikat.
“Ay, sinimulan niyo na?” tugon ni Aling Berta bago siya bumaling sa amin. “Saglit lang ha.” Paalam niya sabay tayo at lumapit sa mga kabataan.
“Nagsimula na pong mangahoy si Ka Ernest,” paliwanag ng binatang lalaki. “Nabuhat na po namin. Saan po ilalagay?”
“Sa may labasan na lang,” sagot ni Aling Berta. “Doon sa may silong. Doon magluluto.” Dagdag pa niya.
Tumango ang binata at ipinagpatuloy nila ang paglalakad, pasan ang mga putol-putol na kahoy na para bang gaan lamang sa kanilang mga balikat.
Makalipas ang ilang sandali, bumalik si Aling Berta at muling umupo sa aming harapan.
“Kita mo,” wika niya, may ngiting hindi maitago ang pagmamalaki, “Si Ka Ernest, kumpare ng aking asawa. Nalaman lang na ikakasal ang anak ko, nanguha na agad ng mga panggatong para sa pagluluto, kahit sa susunod na linggo pa ang kasal.”
Napangiti siya habang ikinukuwento ang kabayanihang iyon, parang karaniwan lamang na bagay.
“Ikakasal po ang anak niyo?” usisa ko.
Tumango si Aling Berta, bakas ang tuwa sa kanyang mga mata.
“Ang aking panganay ay ikakasal sa July twenty-one,” tugon nito sa amin, “Nakapangasawa ng isang abogado na taga-rito din sa Mayoyao.” Lahad niya sa amin.
Sabay kaming napangiti ni Ghon.
“Kayo ay imbitado,” paanyaya ni Aling Berta sa amin. “Pumunta kayo at maraming pagkain. Si Jessa ay uuwi sa isang linggo kasama si Melvin. Kung gusto niyong ma-interbyu ang dalawa, sasabihin ko sa kanya.”
Muli kaming napangiti ni Ghon.
“Kay Bossing kayo nagtitigil, tama ba?” usisa ni Aling Berta.
“Opo,” matipid kong tugon.
“Abay siya sa kasal ni Jessa,” wika nito. “Mabait at mabuting tao ’yon si Bossing. Buti nga at doon kayo nagtitigil para ’di siya nag-iisa.”
Bahagyang ngumiti ang matanda, tila may ibig ipahiwatig.
“Ewan ko ba kay Bossing at parang walang balak mag-asawa,” pasumala niyang wika.
Ramdam ko ang biglang pagtahimik ng hangin sa pagitan namin ni Ghon. Kahit hindi siya magsalita, alam kong nakabaling ang tingin niya sa akin.
Si Amir naman ay patuloy lang sa pakikipaglaro sa mga bata sa gilid, tila wala sa usapan.
“May itsura ang Bossing,” dugtong ni Aling Berta. “Pinagkakaguluhan ng mga kababaihan, pati ng ilang turista. Nirerespeto pa, lalo na’t isang mumbaki.”
“Ewan ko kung sila na ba ni Doktora Marel,” patuloy niya. “Bagay naman sila. Maganda si Doktora, maalaga pa na swak at bagay sa kanya.”
Hindi ko alam kung bakit, ngunit tila may ibang bigat akong naramdaman. Para bang gusto kong takpan ang aking tenga dahil sa inilalahad ni Aling Berta, mga kuwento na hindi ko naman hinihingi sa kanya.
“Magkano po yung bareta n’yong sabon?” bigla kong naisambit.
Rinig ko ang pigil na bungisngis ni Ghon sa aking tabi.
“Yung may brand ba?” tanong ni Aling Berta. “Kinse pesos. Maglalaba ka?”
Hindi ako sumagot agad. Tumango na lang ako, pilit ibinababa ang usapan sa isang bagay na mas ligtas, mas madaling hawakan, kaysa sa mga salitang ayaw kong harapin.
Kabanata 18
A N G R A D Y O
Sabado ng umaga rito sa Chaya, Mayoyao, Ifugao.
Kasalukuyan akong nakaupo rito sa troso sa ilalim ng puno ng mangga na nagsisilbing sangga sa papataas na sikat ng araw. Banayad pa ang init nito, hindi nakapapaso, hindi nananakit at tila nakikiayon sa katahimikan ng umaga.
Tahimik ang paligid. Tanging simoy ng hangin, ilang huni ng mga ibon, at ang putol-putol na tilaok ng mga manok ang maririnig mula sa aking kinauupuan.
Walang ingay ng sasakyan, walang nagmamadaling yabag ng tao, para bang huminto ang oras upang bigyang-daan ang sandaling ito.
Abala ako sa pagguhit sa aking sketchbook, bawat linya na dumadampi sa papel ay maingat kong sinusundan na tila ba kabisado na ng aking kamay ang bawat kurba at anino ng mukha ng lalaking matagal nang bumabagabag sa aking panaginip.
Ang sketchbook na ’to ay matagal nang nasa aking kamay, hindi lamang basta guhit ang laman, kung ’di mga detalyeng naglalaman ng aking mga panaginip.
Ngayong araw ang itinakda para mamili kami sa palengke, ngunit hindi ako nakasama. Iisa lamang ang gumaganang motor at nasira ang motor ni Lolo Edgar. Wala akong nagawa kundi ang magpaiwan.
Sa totoo lang, hindi rin kaya ng aking katawan ang bumiyahe. Masakit pa ang aking mga braso at hita mula sa ginawa namin kahapon, ang paglubog sa palayan nila Tiyo Makmak upang maranasan, kahit saglit, ang buhay ng isang magsasaka.
At hindi ko masasabi na madali ang trabahong iyon. Bukod sa tirik na araw, ang pangangalay ng buong katawan ay tila unti-unting bumabalot sa bawat galaw.
Habang nakaupo ako ngayon, ramdam ko pa rin ang bigat ng kahapon sa aking mga buto. Totoo pala ang kantang minsan ko lang narinig at hindi ko gaanong inintindi noon…
Magtanim
ay ’
di
biro
Maghapong
nakayuko
’
Di
man lang makaupo
’
Di
man lang
makatayo
.
Ngayon ko lubos na nauunawaan ang bawat linya nito.
Patuloy ako sa aking ginagawang pag guhit nang maramdaman ko ang isang presensyang hindi ko maipaliwanag, hindi malapit, ngunit sapat upang bumigat ang hangin sa aking paligid.
Dahan-dahan akong bumaling sa aking likuran at doon ko nasilayan ang kanyang bulto.
Si Bossing.
Nasa kusina siya, abala sa ginagawa, tiyak na nagtitimpla ng kape. Tahimik ang kanyang mga kilos, sanay, tila bahagi na ng umaga ang bawat galaw niya.
Muli kong ibinalik ang aking atensyon sa aking sketchbook at hindi na siya binigyang-pansin.
“Magpakulo ka ng sarili mong tubig. Inubos ko pa naman,” nakangisi kong bulong sa hangin na tila ba hindi siya ang may-ari ng tinutuluyan ko.
Halos matatapos na ang isang linggo namin dito sa Cordillera, at sa buong linggong iyon ay hindi ko pa siya nakakausap nang maayos.
Ilag, dahil ramdam kong hindi niya gusto ang aking presensya.
Dumating ako rito nang inosente, may iisang misyon lamang at iyon ay matapos ang pag-aaral na ito at makauwi.
Ngunit mula nang tumapak ang aking mga paa sa Mayoyao, Ifugao, ang mga panaginip at aninong matagal nang sumusunod sa akin ay tila unti-unting nagpapahiwatig ng isang bagay, na para bang ang lugar na ito ang magiging gabay ko upang makawala sa mga iyon.
Hindi ko maipaliwanag, ngunit may pakiramdam akong ang Bossing na ito ay may koneksyon sa aking mga panaginip.
Hindi mabura sa aking isipan ang kanyang anyo noong gabing nagpakita siya, naka-uniporme, kahawig ng isang sundalo. Napakalapit sa itsura ng lalaking matagal nang bumabalik sa aking mga panaginip.
Hindi rin ako bulag sa mga reaksyon niya noong gabing ikinuwento ko sa kanya ang dalawang taong lumilitaw sa aking panaginip. May kung anong nagbago sa kanyang mga mata, parang may alam siyang hindi niya masabi. Parang may itinatago.
Alam kong isa siyang mumbaki. At alam kong may kakayahan siyang makakita ng mga espiritung hindi nakikita ng karaniwang tao.
Hindi kaya…nakikita rin niya ang nakikita ko?
Muli akong bahagyang bumaling ng tingin sa likuran.
Nakita ko siyang nakaupo sa isang upuan, paharap sa aking kinauupuan, hawak ang isang tasa na tiyak na kape. Seryoso ang kanyang tingin, nakatuon sa akin at hindi kumikibo.
Napakunot ang aking noo bago ko muling ibinalik ang aking paningin sa aking ginagawa.
“Anong tinitingin niya?” muli kong bulong sa hangin.
Ilang minuto akong nanatili sa ganoong posisyon, nakatungo, walang imik, hanggang sa tuluyan kong matapos ang pagguhit.
Saglit ko itong tinitigan.
May kawangis. May kamukha.
At sa pagkakataong ito, alam kong hindi ako nagkakamali, dahil ang mukhang nakatitig pabalik sa akin mula sa papel ay hindi na lamang mula sa panaginip.
Dahan-dahan ko namang ibinaling ang tingin sa likuran, at doon ay wala ang bulto ni Bossing.
May kung anong bahagyang gumaan sa aking dibdib, napahinga ako ng malalim.
Nagpasya akong tumayo at humakbang papalapit sa kusina para kumuha ng tubig.
Habang ako’y umiinom, muling napadako ang aking paningin sa kabuuan ng kubong ito.
Matibay ang pagkakagawa, halatang hindi minadali. Ang mga haligi ay makakapal, ang kahoy ay matanda na ngunit matatag pa rin. Para bang saksi ang bawat piraso nito sa mga kuwentong matagal nang lumipas, sa mga taong dumaan at umalis.
Naalala ko ang sinabi ni Aling Berta noong isang araw, na ikinatutuwa raw niyang dito kami tumuloy dahil mag-isa lamang si Bossing.
Sa lawak ng lupang ito…
….ginusto ba talaga niyang mag-isa lang siya?
Habang bumabalik ako sa pag-inom, may isang bagay na umagaw sa aking pansin, isang lumang itim na radyo na nakapatong sa itaas na bahagi ng imbakan ng mga palay. Kupas na ang kulay, tila bihira nang gamitin.
“Gumagana pa ba ’yan?” mahina kong utas.
Hinila ko ang bangko at inusog iyon palapit sa imbakan.
Tumungtong ako roon, inunat ang aking kanang kamay upang maabot ang radyo. Kinailangan ko pang umangat sa dulo ng aking mga paa, ngunit sa wakas ay nakuha ko rin ito.
Ngunit bago pa man ako tuluyang makababa-
Bigla na lamang umihip nang malakas ang hangin.
Isang saglit na kawalan ng balanse. Isang pitik ng takot sa aking sikmura.
Mabilis kong niyakap ang radyo sa aking dibdib, kasabay ng pag-alam sa sarili kong wala na akong masasandalan.
Parang bumagal ang oras, narinig ko ang sariling paghinga ko, ang pagkalansing ng bangko, at ang papalapit na sahig.
Hanggang sa…
Isang malakas na lagabog ang bumalot sa paligid.
“Ahhhhh…” napasigaw ako nang unang sumalubong ang aking tuhod sa malamig na semento ng kusina.
“Aray… ah…” muli kong daing, nanginginig pa ang aking katawan.
Maingat kong inilapag ang radyo sa tabi ko bago ko binalingan ng tingin ang aking kaliwang tuhod. Gasgas ito, mapula, mainit, at tila anumang sandali’y dudugo na.
Bahagya kong hinipan ang gasgas, parang isang batang umaasang gagaling ang sugat sa simpleng hinga.
Hindi na ako nagtagal pa. Bago pa ako makita ng masungit na Bossing, pilit akong tumayo mula sa pagkakaupo, kahit bahagyang nanlalambot pa ang aking tuhod.
Muli kong kinuha ang radyo, inayos ang upuan na para bang walang nangyari, at tahimik na paika-ikang humakbang pabalik sa kaninang puwesto ko.
Pagkaupo ko sa troso, agad kong kinalikot ang itim na radyo.
“Sira na ba ’to?” wika ko, pilit na kaswal, para bang hindi pa rin nanginginig ang aking kamay.
Pinihit ko ang pindutan, pinindot ang ilang buton, isa, dalawa, hanggang sa biglang…
“Ayon.”
Isang tunog na parang malakas na buhos ng ulan ang pumuno sa hangin. Static. Buhay.
Inikot-ikot ko pa ang pihitan, inaayos ang antena na wari’y naghahanap ng tamang linya, tamang estasyon, parang ako mismo ang naghahanap ng koneksyon.
“…time check tayo mga kapatid, alas-diyes ng umaga, hatid sa inyo ng Brusko Ang Kape Ko…” Napatingin ako sa radyo.
Boses ng isang babaeng DJ ang malinaw na lumusot mula rito. Inilapag ko ang radyo sa aking tabi at muling kinuha ang sketchbook, kunwaring babalik sa pagguhit.
“Nako, umagang-umaga, kahabaan na naman ang traffic sa EDSA. Ano pa bang aasahan natin, ’di ba?” may kasunod pang laser sound effect na bahagyang sumabog sa ere.
“Parang normal na lang sa buhay ng mga kababayan natin ang traffic…” Napangiti ako nang bahagya. Malayo sa Mayoyao. Malayo sa katahimikan.
“…ano na ang nangyari sa pangakong wala nang traffic sa Metro Manila? Napako na ba?”
Huminga ako nang malalim.
“O siya…palamigin muna natin ang mga ulo ng mga drayber sa kalsada. Bumalik muna tayo sa nakaraan, sa panahong wala pang traffic…”
May saglit na katahimikan.
“Ito na. Dahil Sa Iyo by Mike Velarde. Ingat mga kapatid, magandang umaga…” At saka tumugtog ang musika.
Isang lumang himig, malambing, mabagal, tila hinahatak ka pabalik sa panahong hindi mo sigurado kung naranasan mo nga ba o pinangarap mo lamang.
“Dahil sa ’yo nais kong mabuhay-”
Napahinto ang aking lapis sa ere.
Boses ng isang matandang lalaki ang umaawit. May gaspang, may lalim, may kung anong kirot na hindi agad maipaliwanag.
“Dahil sa ’yo hanggang mamatay.”
May kung anong kumurot sa aking dibdib.
“Dapat mong tantuin
Wala nang ibang giliw
Puso ko’y tanungin
Ikaw at ikaw rin.“
Unti-unting napalipat ang aking buong atensyon sa radyo sa aking kanang bahagi. Pinagmasdan ko ito na para bang hindi ito isang bagay, kundi isang paalala. Isang alaala.
Bahagya akong napapikit, na para bang dinadamdam ang bawat lirikong inilalabas mula sa radyo.
“Dahil sa ’yo ako’y lumigaya
Pagmamahal ay alayan ka.“
Sa puwestong iyon, pilit kong binabalikan kung kailan ko ba unang narinig ang kantang ito.
Sa panaginip ba?
O sa isang buhay na hindi ko na maalala?
“Kung tunay man ako
Ay alipinin mo
Ang lahat ng ito’y
Dahil…“
“Sinong may sabi sa ’yo na gamitin mo ’yan?” Isang boses ang bumasag sa aking likuran.
Kasabay noon ay biglang namatay ang tugtog mula sa radyo.
Katahimikan muli ang bumalot sa paligid na parang may humila sa akin pabalik sa kasalukuyan.
Nanlamig ang aking batok mula sa presensya ng taong nasa likuran ko. Alam ko na kung sino iyon, kahit hindi pa ako lumilingon.
Dahan-dahan akong tumayo at bumaling ng tingin sa kanya.
Seryoso ang kanyang mukha, hawak niya ang radyo na para bang ninakaw ko ito mula sa kanya at hindi basta hiniram lamang.
“Hiniram ko lang po,” mahina at nahihiyang wika ko, pilit na hindi tumatagal ang tingin sa kanyang mga mata.
“Hindi ka marunong magpaalam?” mabilis niyang depensa, iritado ang tono.
Napalunok ako. Ramdam ko ang panunuyo ng aking lalamunan, kasabay ng bigat ng kanyang titig.
“Pasensya na po,” sambit ko na lamang. Mas pinili ko nang humingi ng tawad kaysa pahabain pa ang diskusyong alam kong ako rin ang talo.
Napailing siya, bahagyang hinigpitan ang hawak sa radyo.
“Matuto sanang magpaalam,” pasaring niya, saka muling ibinaba ang tingin sa radyo na para bang isang bagay itong sagrado.
“Hiniram ko lang naman, sungit naman,” mahinang bulong ko sa hangin, halos hindi ko rin namalayang lumabas ang mga salita.
“May sinasabi ka?” bigla niyang utas.
Napangiti ako, ngiting pilit, ngiting depensa.
“Wala po,” mabilis kong tugon. “Sabi ko nga po, magpapaalam na ako.”
Patay-malisya. Kunwaring walang nangyari. Pero sa loob-loob ko ay para bang sinusumpa ko na siya sa harapan ko.
“Nag-aaway ba kayo, Bossing? Cali?” Isang boses ang bumasag sa namumuong tensyon.
Sabay kaming napalingon.
Si Tita Lola.
Katabi niya ang isang binatang may bitbit na puting mini-ref, pawisan ngunit nakangiti, tila walang kamalay-malay sa bigat ng hangin sa pagitan namin.
“Tita Lola,” bati ko agad, halos may halong paghingi ng saklolo.
Mabilis akong paika-ikang humakbang papalapit sa kanya, nagmano, at bahagyang nagtago sa kanyang tabi na parang batang nahuling nagkamali at biglang humingi ng proteksyon. Ramdam kong bahagya siyang natawa sa aking kilos.
“Inaaway mo ba si Cali, Bossing?” natatawang wika ng matanda.
Umiling naman ang lalaki, ngumiti ito na parang walang nangyari.
Binalingan ko naman siya ng tingin, tingin na para bang sinasabing ‘sige awayin mo ako, isusumbong kita sa lola ko’
“Ngadan di sadya yu?” utas ng Bossing.
“Itong mini-ref, pinadala ko na,” wika ng matanda bago nito ipinababa sa lapag ang mini-ref na buhat ng binata.
“Wala pa ba sila Amir?” muling utas ni Tita Lola bago sinipat ang paligid.
“Wala pa po,” ang tugon ko sa kanya.
Ngumiti naman ang matanda, tila ba ito’y natutuwa sa akin. “Hindi ka sumama?” ang tanong nito.
Umiling ako, “Hindi po,” matipid kong tugon.
“Mabuti nga, nang hindi masunog ang balat mo. Buti ika’y nakapangmahaba kahapon sa palayan,” wika pa niya, “Masisira ang kutis mo. Ang puti-puti. Magandang bata.”
Biglang uminit ang aking pisngi. Ramdam kong namumula ako, nahihiyang napangiti habang bahagyang ibinababa ang tingin. Hindi ako sanay sa ganitong klaseng papuri.
Bumaling si Tita Lola sa Bossing.
“Magandang bata si Cali…tama ba Bossing?”
Bahagyang lumaki ang aking mga mata.
“Tita Lola…” mahinang saway ko, halos pakiusap ang tono.
Napatingin ako sa Bossing.
Wala.
Walang reaksyon. Walang ngiti. Walang pagtanggi. Para bang hindi niya narinig ang sinabi ng matanda o sadyang pinili niyang huwag pakinggan.
“Maiwan ko na po kayo,” iwas na wika niya, agad na humakbang paatras na tila tapos na ang lahat.
“Ay sandali,” pagpigil ni Tita Lola.
Huminto ang Bossing.
May dinukot ang matanda sa bulsa ng suot niyang malong, mabagal, parang sinasadya ang bawat galaw. Muling humarap ang Bossing sa kanya.
“Ito,” iniabot ni Tita Lola ang isang puting envelope. “Imbitasyon para sa kasal ng anak ni Berta.”
Tinanggap iyon ng Bossing.
“Sa isang linggo ito?” tanong niya habang sinisipat ang laman.
“Abay ka raw,” lahad ng matanda. “Kung gusto mo raw may kasamang lumakad, imbitado rin si Marel.”
Bahagya akong napatingin kay Tita Lola na ngayon ay nakangiti sa akin.
“Kung ayaw mo naman…” dagdag pa niya, “…puwede si Cali-”
“Sabihan ko na lang ho si Marel.” Putol. Diretso. Walang pag-aalinlangan.
Nabigla si Tita Lola, bahagyang napakurap. Ako naman ay hindi na nakapagsalita pa. Para bang may kung anong tuluyang isinara sa pagitan naming dalawa.
Magsasalita pa sana ang matanda nang may boses na sumigaw sa aming likuran.
“Bossing!”
“Cali!”
“Tita Lola!”
Sabay-sabay.
Bumaling kami ng tingin.
Sina Ghon at Amir.
Nanlaki ang aking mga mata.
Putik-putikan ang buong katawan ng dalawa, mula ulo hanggang paa na tila ba nakipaghabulan sa palayan imbes na mamalengke.
Hawak nila ang magkabilang plastic na punong-puno ng pinamili, may mga butas pa ang ilan dahil sa bigat.
“Anong nangyari sa inyo?” gulat na wika ni Tita Lola.
Nagkatinginan sina Ghon at Amir bago sabay na natawa, tawang pagod, tawang walang pagsisisi.
Kabanata 19
This chapter is dedicated to GlaceryAzarcon
B A N D A I D
“Look at your fingernails, Amir. Disgusting!” atungal ni Ghon habang halos ilayo ang mukha na para bang may nakakahawang sakit si Amir.
“Disgusting-disgusting! Arte mo! Isubo ko sa ’yo ’to sige!” singhal naman ni Amir, sabay taas ng kamay na may hawak na nail cutter.
Isang diretso at walang paalam na middle finger ang isinagot ni Ghon.
Kanina pa walang humpay ang bangayan ng dalawang ito, mula pag-uwi nila hanggang sa ngayong nakahiga na kami para matulog.
“Ano ba kasing nangyari sa inyo?” muli kong usisa. Ilang beses nang naligo ang dalawa, grabe kasi ang naging kapit ng putik sa kanilang katawan, lalo na sa buhok.
Kasalukuyan akong nakaupo sa papag, pinagmamasdan sila habang pareho silang nakaupo sa foam, tila pagod at mukhang gusgusin, parehas nilang ibinabalandra ang katawan sa suot na sando.
“May rally doon sa munisipyo,” tugon ni Amir habang abalang ginugupitan ang kanyang mga kuko. “Napadaan kami. Malapit lang naman kasi doon yung palengke.”
“Rally?” ulit ko, bahagyang napakunot ang noo.
Tumango siya. “Oo. Hindi lang pala dito sa Chaya magpapatayo ng resort yung private owner. Sa ibang bayan at barangay din.” Saglit siyang tumigil bago magpatuloy, bakas ang inis sa boses.
“Yung iba nagsimula na. Lalo na doon sa Banaue,” dagdag nito.
Si Ghon naman ay tila walang pakialam sa bigat ng usapan, abala siya sa paglalagay ng facial mask sa mukha. Mukha siyang kakaibang kombinasyon ng siga at Korean skincare model, at hindi ko maiwasang mapangiti nang bahagya sa itsura niya.
“Meron ka pang ganyan?” biglang liko ni Amir sa usapan.
“In my bag. Yung aloe vera kunin mo,” tugon ni Ghon habang tuluyan nang humiga, ang puting facemask ay nakapatong nang maayos sa kanyang mukha.
“Eh bakit putikan kayo?” tanong ko kay Amir habang binubuksan na niya ang pakete ng facemask.
“Itong si Ghon…” tukoy niya, “…nakisali sa mga nagra-rally. Nagbabatuhan ng putik yung mga tao doon. Putikan din tuloy sa munisipyo.”
Humiga rin siya sa foam at ginaya si Ghon, ipinatong ang facemask sa kanyang mukha.
“Kung sa bagay,” wika ko, halos pabulong, “Munisipyo nga ang sisisihin nila. Sila ang nag-approved ng mga papers.”
“Oo,” sagot ni Amir. “At nalaman pa na kamag-anak ni Mayor yung nagpapagawa ng resort.” Bahagyang umangat ang tono ng kanyang boses. “Kaya kahit yung taga-ibang bayan, sumugod doon.”
Tahimik akong napatingin sa kisame at napaisip na wala rin namang ibang sisisihin kung ’di ang mga nakaupo sa itaas. Walang rally kung walang problema na kailangang solusyonan.
“Ang lamig pala nito sa mukha,” wika ni Amir, parang walang mabigat na napag-usapan.
“You can feel it?” singit ni Ghon. “Akala ko balat kalabaw ka eh.”
Hindi ako tumawa.
Sa halip, napatingin ako sa kanilang dalawa, nakahiga, may facemask, tila walang pakialam sa naging usapan. Ngunit alam ko sa loob ko na dismayado rin ang dalawa, dismayado ang mga taga-rito, dahil sa pagbabalak na pagsira sa kanilang itinatagong yaman.
“Cali, can we go to the carnival sa bayan? I think working na yung mga rides, we passed by there earlier,” ang utas ni Ghon.
“Carnival-carnival, peryaan lang yun oy,” singhal naman ni Amir. “Ayusin mo nga pagsasalita mo.”
“Fuck you,” tanging tugon ni Ghon sa kanya.
Bahagya naman akong napatawa bago ko ibinaling ang tingin sa gilid. Bukas ang bintana ng kubo at mula roon ay tanaw ko ang kusina at ang kubo ng masungit na Bossing. Wala ni isang anino ng tao, dilim lang at ang malabong liwanag ng ilaw ang nagsisilbing bantay sa gabi.
Hindi ko malaman kung bakit, ngunit napabuntong-hininga na lamang ako bago ko inihanda ang sarili sa paghiga. Ibinalot ko sa aking katawan ang puting kumot, dinama ang may katigasang higaan at ang lamig ng klimang unti-unting sumisingit hanggang sa buto.
“Are you okay, Cali?” marahang utas ni Ghon nang mapansin niya ang bigla kong katahimikan.
Napatingin ako sa kanila. Parehas silang nakaupo sa hinihigaan nilang kutson, parehong suot pa ang facemask.
“Ha? Paanong okay?” pagtataka kong tugon, pilit na pinagaan ang boses.
“Si Bossing ba?” salo naman ni Amir.
Hindi ako agad sumagot.
“Pagpasensyahan mo na lang siya, Cali,” wika ni Amir, mas mababa ang tono. “Hindi ko nga rin alam kung bakit ganyan siya sa ’yo. Nung tinanong ko naman kung may problema siya sa ’yo, hindi naman ako sinagot.”
“I’m also curious,” dagdag ni Ghon. “Why he’s acting strange with you. Kapag sa akin naman, goods siya. I thought he’s just tripping you.”
Doon na ako muling humarap sa kisame. Pinagmasdan ang kahoy na kisame na para bang doon ko mahahanap ang tamang salita. Ramdam ko ang bigat sa aking dibdib, isang bigat na matagal ko nang kinikimkim, isang lihim na ngayon ko pa lang bubuksan.
“Sa totoo lang…” panimula ko, bahagyang nanginginig ang boses.
“Pakiramdam ko…” saglit akong huminto, humugot ng hangin.
“Sa ilang taon na panaginip ko… pakiramdam ko may koneksyon siya rito.”
Tahimik ang kubo.
Walang biro. Walang puna.
Sa gabing iyon, sa ilalim ng lamparang mahina ang ilaw at sa gitna ng pumapasok na lamig dito sa kubo, doon ko unang isinugal ang aking katinuan, nang ilahad ko sa kanilang dalawa ang tungkol sa mga panaginip, sa mga aninong sumusunod sa akin, at sa mga mukhang pamilyar na para bang matagal ko na silang kilala.
Mga bagay na kahit kanino ay hindi ko pa kailanman nasabi.
At habang patuloy akong nagsasalita, alam kong wala nang atrasan.
Nang matapos kong ikuwento sa kanila ang lihim na matagal ko nang kinikimkim, sabay nilang hinubad ang suot-suot na facemask.
Doon ko pa ipinakita sa kanila ang drawing ng lalaki sa sketchbook ko.
Ibinalandra nila ang mga mukha, halatang gulat, ngunit may halong panunuya dahil sa mga ngising pilit nilang pinipigil.
“Don’t tell me…” utas ni Ghon, nanlalaki ang mga mata, “…that a soldier named Emilio in your dream is the reincarnation of Bossing?”
Saglit siyang huminto bago muling magsalita. “And Caloy… is….”
“…is you, Cali.” Sabay turo niya sa akin.
“Hindi ko alam,” mahina at magulong tugon ko, “Pero…’yon ang pakiramdam ko.”
Humugot ako ng hangin. “Simula nang dumating tayo rito, mas naging malinaw ang lahat, bawat linya, bawat emosyon, bawat detalye ng mga mukha nila.”
“Both you and Bossing are the reincarnation of mighty Filipino soldiers,” lahad ni Ghon na para bang nagbubuo ng teorya sa sarili niyang isip.
Tumango pa siya, halatang seryoso na. “Then if that’s the case, maybe something happened between Emilio and Caloy in the past. Kaya ganyan ang kilos ni Bossing sa ’yo.”
Hindi ko napigilang mapaisip.
Mula noong komprontasyon namin ng Bossing, hindi na ako dinalaw ng mga panaginip. Wala na ring aninong sumusunod sa akin, parang bigla silang naglaho.
Napabaling ako kay Amir.
Hindi tulad ni Ghon na puno ng reaksyon, tahimik lamang siya, nakikinig, tila sinusukat ang bawat salitang binibitawan namin.
“What’s the real name of Bossing, Amir?” tanong ni Ghon.
Napakamot siya sa ulo. “Sa totoo lang, hindi ko alam…” bahagya pa siyang natawa.
“…o baka nakalimutan ko na. Simula’t sapul kasi, Bossing na talaga ang tawag namin sa kanya.”
Napatango na lamang si Ghon.
“I’m invested in this, Cali!” biglang sigla niya. “Maybe we can put this in our study. What does it take for you and Bossing to be reconciled?”
Bahagya siyang ngumiti, may kislap sa mata. “Maybe both of you in the past are guiding you…guiding you to meet again, to be with each other again…and to be free.”
“For the record,” dagdag pa niya, tila proud, “I’m the first one who rode this ship.”
“Ship-ship ka diyan,” asar ni Amir.
“What? Is there any problem, Mister Homophobic?” balik ni Ghon.
“Hindi ako homophobic,” matigas na tugon ni Amir bago siya humiga at tuluyang itinalukbong ang kumot sa buong katawan.
Sa gabing iyon, doon nagtapos ang aming diskusyon. Doon rin nagtapos ang aking paglalahad.
Ngunit alam ko, hindi roon nagtatapos ang kuwento.
12:05 AM - Chaya, Mayoyao, Ifugao 2026
Unti-unting bumukas ang aking mga mata sa ilalim ng malamig na gabi.
Kisame ng kubo ang sumalubong sa aking paningin, habang ang sabayang paghilik nina Ghon at Amir ang bumabalot sa katahimikan. Bahagya akong bumaling ng tingin sa kanilang kinaroroonan.
Napangiti na lamang ako sa aking nakita.
Magkayakap sila na tila ba walang anumang alitan, para bang wala ring kumot na sapat para labanan ang lamig. Halos magkadikit ang kanilang mga mukha habang nagpapalakasan ng hilik.
Totoo nga siguro ang sabi-sabi na mabait ang tao kapag tulog.
Nananatili akong nakahiga nang bigla kong maramdaman ang bahagyang kirot sa aking kaliwang tuhod, ang gasgas na nakuha ko kanina.
Dahan-dahan kong inalis ang kumot at umupo sa higaan. Sa mahinang liwanag ng lampara, sinipat ko ang aking tuhod.
Napakunot ang aking noo.
May dalawang bandaid na magkapatong doon, maayos ang pagkakadikit. Hindi ko iyon nilagyan. Sigurado ako.
Nanatili akong nakatitig, tila ba sinusubukang iproseso ang aking nakita, nang may marinig akong mahinang kaluskos mula sa gilid.
Mabilis kong ibinaling ang tingin sa bintanang may kaunting siwang.
Doon ko siya nakita.
Ang Bossing.
Bago ito papasok sa kanyang munting kubo.
Biglang bumilis ang tibok ng aking puso.
Iisa lang ang kahulugan noon.
Mabilis kong inabot ang cellphone na nakapatong sa lamesa, ngunit sa aking pagmamadali…
…isang malakas na pagbagsak ang umalingawngaw sa buong katahimikan.
“Hala,” gulat kong bulong habang bumabalikwas ng bangon.
Nakatihaya sa sahig ang lampara, basag-basag ang salamin nito. Mabuti na lamang at namatay ang apoy, ngunit ang ingay nito ay tila masyadong malakas para sa isang gabing dapat ay tahimik.
Napahinto ako sa aking kinatatayuan, hawak ang aking hininga.
Alam kong may isang taong nakarinig.
At alam kong, sa pagkakataong ito…
…hindi na panaginip ang susunod.
Thank you for reading! Don’t forget to vote and share this story with your friends!
Kabanata 20
I L O G
Linggo ng umaga rito sa Chaya, Mayoyao, Ifugao.
Alas-nuwebe na ng umaga at katatapos lang naming mag-agahan. Kasalukuyan kong inaayos ang mga damit na dadalhin, bababa kami sa palayan kung saan nandoon ang ilog. Doon namin lalabhan ang aming mga damit.
“Cali, let’s go!” sigaw ni Ghon mula sa labas ng kubo. Ilang minuto na rin niya akong hinihintay.
“Wait lang!” tugon ko habang patuloy na isinisilid sa plastic ang ilang pang-itaas at pang-ibaba.
Nang matapos akong mag-ayos, napabaling ang aking tingin sa nabasag na lampara na nakapatong sa lamesa sa tabi ng kama.
Nanatili akong nakatitig doon nang ilang segundo.
Hindi pa rin nawawala sa isip ko ang tunog ng pagbagsak nito kagabi.
Napakamot na lamang ako ng ulo bago ko ibinaling ang tingin sa sketchbook na nakapatong din tabi ng smartwatch na pinili kong hindi isuot dahil baka masira lang, kahit waterproof naman. At sa pagitan ng mga gamit, biglang sumingit sa aking isip ang isang bagay.
Ang bracelet.
“Saan na kaya ’yun,” bulong ko sa hangin bago tuluyang lumabas ng kubo.
Paglabas ko, sinalubong ako nina Ghon at Amir na parang papasok sa liga ng basketball sa suot nilang mga jersey.
“Saan ang laro niyo?” pang-aasar ko.
Napatawa na lang sila. “Magaling na gasgas mo sa tuhod?” tanong ni Amir, sabay tingin sa aking tuhod.
Napatingin din ako roon, wala na ang bakas ng gasgas. Para bang hindi ito nangyari.
Doon kusang sumilay ang ngiti sa aking labi. “Wala na. Gumaling na,” sagot ko.
Tumango silang dalawa, tila wala na ring gustong itanong.
Dahan-dahan kong ibinaling ang tingin sa kanan.
Doon siya.
Nakaupo ang Bossing sa ilalim ng punong mangga, hawak ang tasa ng kape. Malayo ang kanyang tingin na tila ba may pinagmamasdan..
“Bossing,” tawag ni Amir. “Hindi ka ba sasama?”
Umiling ito. “Umalis na kayo bago pa lalong uminit,” seryosong tugon niya, patukoy sa sikat ng araw.
Nakatitig lang ako sa kanya, may ngiting pilit na umaasang babaling din ang kanyang paningin sa akin.
Hindi niya ginawa.
“Baka ipapalaba mo na rin ’yung damit mo, Bossing? Si Cali na raw maglalaba,” biro ni Amir.
“Kaya kong maglaba,” mabilis at seryosong sagot niya. “Umalis na kayo. Marami pa akong gagawin.”
Parang may hangin na dumaan sa pagitan namin.
Hindi pa rin siya tumitingin sa akin at muli na naman siyang bumaling sa kawalan.
“Okay, sabi mo eh,” wika ni Amir bago humarap sa amin. “Kila Aling Berta na lang tayo bumili ng sabong panlaba.”
Tumango na lamang kami.
Bago pa man kami tuluyang humakbang paalis dito sa pwesto namin ay may pamilyar na boses ang tumawag.
“Bossing.”
Sabay-sabay kaming napalingon.
Si Doktora Marel.
“Amir,” bati nito. Napangiti kaming tatlo habang pinapanood siyang lumapit sa Bossing.
Nakatayo ang Bossing na tila pagsalubong niya sa bisita niya, doon ko naman nakita ang ngiting hindi pa niya kailanman ibinigay sa amin.
Hindi ko alam kung bakit, pero parang may kung anong bumigat sa aking sikmura.
“Let’s go, Cali,” wika ni Ghon sabay hila sa aking braso.
At habang palayo kami, hindi ko maiwasang lumingon muli sa pwesto na nila ngayon na nakaupo sa troso.
“Are you jealous?” pasumalang wika ni Ghon.
“Ha? Kanino?” mabilis kong tugon. “Kanino ako magseselos?”
Nasa paanan na kami ng hagdan-hagdang palayan, dito sa malakas na rumaragasang ilog na tila walang kapagurang dumadaloy, konektado sa iba’t ibang barangay. Malamig ang tubig, malakas ang agos.
Kasalukuyan kong kinukusot ang aming mga damit sa tubig habang si Ghon ay prenteng nakaupo sa tabi ko, sa ibabaw ng mga batuhan. Nakapamewang pa siya habang suot ang maangas na salamin sa mata, parang sadyang ipinagmamalaki na hindi siya marunong maglaba.
“With Doctor Santos? Nagseselos ka?” usisa niya.
Hindi ko siya nilingon. “Bakit ako magseselos?” tugon ko. “Anong dapat ikaselos?”
“The way Bossing treats Doctor Santos is different from the way he treats you,” paliwanag niya.
“You’re not jealous of that?”
Umiling ako bago dahan-dahang bumaling sa kanya.
“Hindi ako nagseselos,” mariin kong sagot. “Ganun siya. Ganun si Bossing. Kung maganda ang trato niya kay Doktora Marel, wala na akong magagawa. Kung hindi naman maayos ang trato niya sa akin…wala rin.”
Muli kong ibinaling ang tingin sa pagkusot ng damit, mas mariin kaysa kanina, parang doon ko ibinubuhos ang bigat na hindi ko alam kung bakit ko nararamdaman.
“But…”
“Ang gusto ko lang ay makilala siya,” mabilis kong putol. “Magbigay ng respeto, dahil sa kanya tayo nakikituloy. At…” huminto ako saglit, saka muling nagsalita,
“…at malaman kung siya ba ang makakatulong para matapos na ang mga panaginip ko.”
Tahimik ang ilog, pero ramdam ko ang titig ni Ghon.
“But you love him.”
Natigilan ang aking mga kamay.
Dahan-dahan akong bumaling sa kanya.
“In the past, you both loved each other,” dugtong niya.
Napailing ako. “Si Emilio at Caloy ’yon,” sagot ko. “Hindi kami sila.”
Iyon ang mga salitang lumabas sa aking bibig, ngunit hindi ko alam kung iyon din ba ang pinaniniwalaan ng aking dibdib.
Ramdam ko ang pagkalito ni Ghon. Napakamot siya ng ulo.
“Are you really that jealous?” tanong niya, tila hindi sigurado kung inaasar o inuunawa ako.
“In this case, you need to speak with your heart, not with your mind.”
Pagkatapos noon, tumayo siya at humakbang palayo, iniwan akong mag-isa sa tabi ng ilog.
Maya-maya, si Amir naman ang papalapit mula kina Tita Lola. Tinawag pa niya si Ghon, ngunit hindi ito lumingon.
“Anong nangyari doon?” tanong ni Amir nang makalapit sa akin.
Nagkibit-balikat lang ako bago ipinagpatuloy ang paglalaba, kahit alam kong mas mabigat na ngayon ang bawat pagkusot sa damit.
“Sabi ni Tita Lola ay sa kanila na tayo magtanghalian, “ dagdag ni Amir.
Tumango nalang ako bilang tugon.
“Cali,” tawag ni Amir bago siya umupo sa aking tabi.
“Bakit?” tugon ko, hindi ko inaalis ang mga kamay sa pagkusot ng damit.
“May tanong ako,” sabi niya at may bigat sa kanyang tono, parang matagal na niyang pinag-isipan.
“Ano?” maikli kong sagot.
Saglit na katahimikan ang bumalot sa amin. Tanging ang rumaragasang tubig ng ilog ang naririnig sa paligid.
“Bakit,” panimula niya, dahan-dahan, “…sa tagal nating magkasama, magkaibigan ay ngayon ko lang nalaman ang tungkol sa panaginip mo…at sa aninong sumusunod sa ’yo?”
Napahinto ang aking mga kamay. Dahan-dahan kong ibinaba ang basang damit bago bumaling ng tingin sa kanya.
Saglit akong huminga bago nagsalita, “Pinili kong sarilihin,” wika ko. “Pakiramdam ko kasi…napakahalaga ng mga panaginip na ’yon. Kahit na grabe ang naging impact nila sa akin.”
Bahagya akong napabuntong-hininga.
Alam nina Mama, Kuya, at ni Amir na may mga panaginip akong dinadalaw. Alam nilang may mga gabing hindi ako makatulog. Ngunit hindi nila alam kung ano talaga ang laman ng mga panaginip na iyon.
Noong mga panahong pinilit ako ni Mama na magpatingin sa espesyalista dahil may mga araw na hindi ko kayang ipikit ang mata, dahil sa mga boses na umaalingawngaw sa aking ulo ay pinili kong manahimik. Pinili kong hindi magpaliwanag.
Hindi dahil ayaw kong magtiwala.
Kung hindi dahil pakiramdam ko… ako lang ang dapat makaalam ng sagot.
Pakiramdam ko, ang mga panaginip na iyon ay hindi sakit na kailangang gamutin, kung ’di mga tanong na kailangang sagutin.
At ako lamang ang pwedeng gumawa noon.
Dito sa Cordillera, mas lumakas ang pakiramdam na iyon. Noong una pa lang na papunta kami rito, may kung anong humila sa akin na parang may nagsasabing narito ang mga sagot.
Dahil dito, mas naging malinaw ang kanilang mga anyo.
Ang kanilang mga tinig. Ang bigat ng kanilang emosyon. At ang kuwentong matagal nang naghihintay na marinig ko.
“Ibig bang sabihin nun ay ikaw at si Bossing ay ang pangalawang buhay ng mga tao sa panaginip mo?” seryosong utas pa ni Amir.
Napatango nalang ako. “Ang wangis ng mukha ni Emilio ay pares sa mukha ng Bossing,” ang lahad ko.
“Samantalang si Caloy,” dagdag ko, “Pakiramdam ko…”
“Kung silang dalawa ay magkasintahan sa mga panaginip mo…” utas nito, “…ibig sabihin ba noon ay magiging kayo ni Bossing?”
Umiling ako, “Imposible,” aking tugon.
“Paano naging imposible?” tila pagtatakang wika nito.
“Magkaibang-magkaiba si Emilio at ang Bossing…”
“Eh hindi ba’t kayo ang pangalawang buhay nila? May koneksyon sa inyong dalawa sila Emilio at Caloy. Kung ano mang nangyari sa buhay nilang dalawa noon, may posibilidad na mangyari rin sa inyo itong dalawa ngayon….” lahad niya.
“…tingnan mo nalang. Kung hindi ako nag pumilit na sumama dito sa inyo ni Ghon, sa tingin mo ba ay magtatagpo kayo ni Bossing? Tulad kung paano pinilit ng pinsan ni Emilio na isama siya sa kampo ng mga sundalo…” ang tila pagkokonekta ni Amir sa aking ikinuwento kagabi.
“…tadhana na ang naglalapit sa inyo.”
“Ano bang nararamdaman mo kay Bossing, Cali?” hindi ako nakasagot, “May nararamdaman ka ba sa kanya kasi sa kabilang buhay niyo ay kayo at magkasintahang dalawa?
“Hindi ko alam…” naging tugon ko.
“Kilala kita, Cali. Alam ko kapag nagsasabi ka ng totoo at hindi.”
“Kung meron man, ay imposible parin. Tingnan mo nalang kung paano niya ako tratuhin, ni hindi nga niya ako pinapansin. Hindi man lang magawang ngumiti sa harapan natin na para bang isa lang akong hangin sa paningin niya…”
“…ito siya,” lahad ko bago ko itinaas ang aking kanang kamay na tila itinuturo kung gaano kataas ang Bossing, “Nandito naman ako,” mabilis kong tugon bago ibinababa sa baba ang aking kamay.
“So meron nga,” ang utas nito sa gilid. “Ang imposible ay nagiging posible…” makahulugang wika nito.
“…paano kung sabihin ko sa ’yo na hindi ang inaasahan mo kay Bossing ay ganoon.”
“Ano?”
“Kagabi, nakita ko si Bossing,” lahad niya, “Pumasok sa kubo natin. Ang gasgas mo sa tuhog, kaya gumaling ay dahil sa kanya.”
Uminit nalang bigla ang pisngi ko, ibinaling ang tingin sa kawalan at iniiwasan ang mapang-asar na tingin ni Amir.
“Ngayon, Cali. Tatanungin kita, imposible parin ba? Pinaglapit na kayo ng tadhana, umigsi na ang nagdudugtong na pulang tali sa inyong mga daliri,” makahulugang lahad nito.
“Ang kailangan mo nalang malaman ay kung bakit ganyan ang trato sa yo ni Bossing. Ano bang nangyari kila Caloy at Emilio?”
“Even if Bossing feels the same way, it’s still impossible,” boses ni Ghon ang pumutol sa aming usapan.
“Bossing is a mumbaki,” bumaling kami ng tingin kay Ghon na nakatayo sa likod namin, seryoso ang kanyang mukha.
“He has beliefs that he cannot simply abandon the same with the principles he is bound to follow,” makahulugang wika nito.
“And that is probably the reason why Bossing needs to maintain his distance from you.”
“Hindi lang ’to basta tungkol sa feelings,” wika niya.
“He carries a duty to the ancestors, to the spirits, and to the land entrusted to him. Even if he wants to choose differently, to choose to continue the story of Emilio and Caloy…wanting is never enough to change what’s already been set.”
Saglit na tumahimik ang buong paligid, “And you know that if he breaks those principles and beliefs, he won’t be the only one who suffers.”
Ang mga salitang lumabas sa bibig ni Ghon ay totoo. Ang posible ay imposible parin. Iba ang kuwento nilang dalawa sa kuwento namin ngayon.
“This is the reality, Cali. I know that Emilio and Caloy’s story is differ from you and Bossing. Kahit na may idea si Bossing with that story, it’s still impossible for him. You must give up now before anything bad will happen.”
“Anong problema mo?!” biglang tumayo si Amir at hinarap niya si Ghon, “Parang kagabi lang may pa ship-ship ka pang nalalaman. Tapos ngayon? Ano? Aabandunahin mo ang sinasakayang mong barko?” tila inis na wika ni Amir.
“I’m just stating the reality. I don’t want Cali to be hurt by the things that involved the past,”
Hindi ako nagsalita.
Isang marahang tango lamang ang naibigay ko, isang tahimik na pagsang-ayon na mas masakit pa kaysa sa pagtutol.
“Pwede ba?!” muling utas ni Amir bago siya bumaling sa akin, mas malambot na ang tinig ngunit puno pa rin ng paninindigan.
“Cali, huwag kang makinig sa kanya.”
Ngunit sa sandaling iyon, hindi ko na alam kung kanino pa ako dapat makinig, sa pag-asang pilit na binubuhay ni Amir, o sa katotohanang tahimik ngunit mabigat na ibinato ni Ghon.
Kabanata 21
L A M P A R A
Tanghali na rito sa Barangay Chaya. Nakapapaso man ang tirik na tirik na haring araw, malamig parin ang klima dala ng simoy ng hangin.
Kasalukyan kaming nakaupo dito sa papag, sa ilalim ng kubo na tinutuluyan ni Tita Lola at Apo Lumawig. Nakapaikot kami sa papag habang nasa gitna ang aming tanghalian.
“Is this eel?” wika ni Ghon sa kanan ko patukoy sa pritong ulam.
“Japanese fish,” tugon naman ni Amir sa kaliwa ko.
“Ang tawag dito ay pikaw o yuyu. Prinito ko, masarap kapag ganyan ang luto, “ tugon naman ni Tita Lola na nakaupo rin sa harapan namin. “O siya sige kain lang kayo ng kain,” dagdag naman ng matanda.
Doon na namin tuluyang sinimulan ang pagkain. Kahit hindi pamilyar sa akin ang ulam, sinubukan ko pa rin. Hindi ako nagsisi, malutong sa labas, malambot sa loob, walang lansa o pait. Para lang itong karaniwang maliit na isda, ngunit may kakaibang linamnam.
“It tastes great, Tita Lola,” galak na wika ni Ghon habang may laman pa ang bibig, “Is this fish only found here?”
Tumango ang matanda, “Dito lang sa Mayoyao ’yan, kung meron man sa ibang lugar ay panigurado na galing lang din ’yan dito sa atin,” tugon ni Tita Lola.
“Why is it called Japanese fish? Is it because the Japanese brought them?” usisa ni Ghon.
Muling tumango ang mantanda, “Nung bata pa ako, wala namang pikaw. Pero nung umalis dito mga hapon, biglang naglabasan mga pikaw. Siguro dala-dala nila,” ang paglalahad ng matanda.
“Sa palayan nakukuha ang pikaw, kapag nanghuhuli ay madalas na pangkain lang ng mga taga-rito,” dagdag ng matanda.
Nagtagal pa ng ilang minuto ang aming pagkain bago kami natapos.
Ngayon naman ay matamis na ginataang bilo-bilo daw ang tawag sa kinakain namin ngayon.
Kasalukuyan kaming nakaupo sa gilid ng papag, nakaharap sa malawak na sentro ng barangay.
Sa gitna nito’y may mga batang nagtatakbuhan at naglalaro, ang ilan ay nagtataguan, ang iba’y tawanan lang ang dala.
Sa isang sulok, may mga kababaihang nagkukumpulan, abala sa kuwentuhan, samantalang ang mga kalalakihan ay patuloy sa kani-kanilang gawain, may mga nag-aayos ng kahoy, may nagbubuhat, may tahimik na nagmamasid.
Bagama’t dumarami ang mga tao sa paligid, masasabi kong nananatiling tahimik ang lugar, may kaayusan sa bawat galaw, parang alam ng lahat kung saan sila nararapat.
Walang sigawan, walang pagmamadali. Isang katahimikang hindi nakabibingi, kundi nakapapawi.
Patuloy naming kinakain ang ginataang bilo-bilo na pinaghalong kulay ube at puti. Malapot ang gata, sapat ang tamis, at may maliliit na bilog-bilog na sumasabay sa bawat nguya.
Nasa gitna ako nina Amir at Ghon, pareho ring abala sa pagkain.
Si Tita Lola naman ay nasa harapan namin, nakaupo sa rocking chair na gawa sa kawayan, marahang umuuga habang pinagmamasdan ang paligid na tila ba’y matagal na niyang kabisado ang bawat kilos ng lugar na ito.
Habang sinusundan ng aking tingin ang galaw ng mga tao, may napansin akong kakaiba sa ilang kababaihan at dalagang nagkukumpulan.
May kakaiba sa kanilang mga mukha, mga mukhang maagang hinubog ng responsibilidad.
“Mayaman man sa kultura ang lugar na ito…” biglang wika ni Tita Lola, tila ba nabasa ang aking isipan, “…may ilan pa rin na pinagkaitan ng pagkakataong makapag-aral.”
Nakatitig siya ngayon sa mga babaeng nag-uusap, ang tinig ay hindi mapanumbat, kundi puno ng pang-unawa.
“May malapit man na paaralan dito,” patuloy niya, “Pero ang ilan ay pinipili na lang mag-asawa. Maagang nabubuntis ang iba.”
Saglit siyang huminto bago muling magsalita. “May ilan namang masaya sa pagkakaroon ng maraming anak. Pero dahil doon, napipilitan ang iba na lumipat sa ibang lugar para maghanap ng mas malaking sahod, mas mabigat na trabaho.”
Tahimik kaming nakinig.
Sa pagitan ng tamis ng ginataang bilo-bilo at ng payapang tanawin, unti-unting bumigat ang aking dibdib, sapagkat sa likod ng katahimikan ng Mayoyao, may mga kuwentong hindi kailanman isinisigaw, ngunit araw-araw na isinasabuhay.
Mga kuwentong hindi lang dito sa lugar na ito nangyayari, kundi sa iba’t-ibang panig ng bansa.
“Mayroong proyekto si Marel na isasagawa ngayong Linggo,” utas ni Tita Lola sabay ang pagbaling sa amin.
“Ano daw Tita Lola?” ang tugon ni Amir.
“Matagal na rin niyang balak iyon dito sa atin,” wika nito, “Medical Mission. Para sa mga maagang nabubuntis, ilang mga may pneumonia at ibang may mga sakit,” ang lahad nito.
“Hindi ho ba ’yon magiging mahirap, Tita Lola? May mumbaki naman tayo ah, ikaw ho mumbaki, si Lolo Edgar, si Apo Lumawig at Bossing,” tugon naman ni Amir at napakamot pa ito.
“Hindi naman, ilang taon na ring ginagawa ni Marel ang pagtingin sa ilang mga taga dito sa atin. Nung pumasa siya sa board, saka lang nagkaroon ng doktor dito sa atin…”
“…pero may mga ilan parin na ayaw mag pakonsulta sa doktor. May mga kababaihan na gusto, pero ang kanilang mga asawa ay ayaw…” Lahad ni Tita Lola.
“…kaya sinabihan ko si Marel na kausapin si Bossing para humingi ng tulong sa kanya,” napatingin naman ako kay Tita Lola na ngayon ay nakabaling din ng tingin sa akin.
“Sinabihan ko na silang humingi ng tulong at ipaintindi sa mga taga-rito na kung hindi gagana ang mga dasal namin, ang mga dasal ng mumbaki, ay sa doktor sila lumapit…” mahinahong lahad ni Tita Lola sa amin.
“…at kung sakali namang hindi umubra ang mga gamot ng doktor, maaari silang bumalik sa mumbaki.”
Sabay-sabay na lamang kaming napatango, may paghanga rin ako kay Tita Lola sa lawak ng kanyang pang-unawa, hindi nito itinataboy ang paniniwala, kundi pagdaragdag ng pag-unawa.
“May isa pa sana akong hihilingin sa inyo,” dugtong niya, bahagyang nag-aatubili. “Baka makatulong din ito sa inyong pag-aaral.”
“What is it, Tita Lola?” tanong ni Ghon, agad na nakatuon ang pansin.
“Hihingi sana ako ng tulong na gumabay sa ilang mga taga-rito,” paliwanag niya.
“May kasama naman si Marel sa pagtingin sa kanila. Kung nanaisin ninyo, maaari kayong kumausap ng ilan, makinig, magpaliwanag at igabay sila na kung kinakailangan, huwag matakot magpatingin sa doktor.”
Nagkatinginan kami nina Amir at Ghon bago sabay-sabay na tumango.
Sa sandaling iyon, alam naming hindi lang ito tungkol sa pag-aaral kung ’di sa tiwala ng mga taong matagal nang namumuhay sa pagitan ng paniniwala at agham.
“Maraming salamat talaga sa inyo, malaking bagay ang itinutulong niyo sa pagdating dito sa amin.” Ang nakangiting wika ng matanda.
Sabay-sabay naman kaming napangiti sa matanda.
“Huwag kayong mag-alala, hindi naman kayo mahihirapang magpaliwanag sa kanila,” muling wika ni Tita Lola, “Sa oras na ipaliwanag ni Bossing ito sa kanila, tiyak na susundin nila ito.”
“Si Bossing pa ba,” tila pagmamayabang ni Amir.
“Malaki ang tiwala ng buong Barangay sa kanya,” lahad ni Tita Lola.
“Kahit sa mura niyang edad, kinikilala at iginagalang si Bossing. Malaki rin ang tiwala namin sa kanya, mula noon hanggang ngayon.” dagdag nito.
Ramdam kong nakatingin ngayon sa akin si Ghon, bahagya naman akong sumulyap sa kanya.
“Maasahan siya sa lahat. Bukod kay Apo Lumawig, si Bossing din ang isa sa mga pinupuntahan ng ilang taga ibang bayan para mag pagamot at magpatingin.”
“Yung ibang turista naman, hindi lang basta rice terraces ang sadya. Hinahanap ng mga mata nila si Bossing, at hindi naman natin maikakaila na may itsura ang batang iyon.”
Patuloy pa sa pagkukuwento si Tita Lola tungkol sa Bossing, kung gaano siya kagaling, kung gaano siya maaasahan ng mga taga-rito, at kung gaano siya kinakailangan ng komunidad.
Sa bawat salitang lumalabas sa kanya ay mas lalo kong nauunawaan ang puwesto ng lalaking iyon sa buhay ng Mayoyao, hindi lang bilang isang tao, kundi bilang haligi.
Sa puntong iyon, malinaw sa akin na ang naging diskusyon kanina sa ilog ay totoo.
Tama si Ghon. Tama ang lahat ng mga salitang lumabas sa bibig niya.
Kung may alam man ang Bossing tungkol sa mga panaginip ko, kung may ideya man siya sa mga aninong sumusunod sa akin, alam kong pinili niyang hindi pumili.
Hindi dahil wala siyang nararamdaman, kung ’di dahil mas mabigat ang responsibilidad na pasan niya kaysa sa anumang personal na damdamin.
May mga tungkulin siyang hindi niya maaaring talikuran.
Matapos ang pag-uusap, nagtagal pa kami sa sentro at nakisalamuha sa mga tao, nakipagkuwentuhan sa matatanda, nakipaglaro sa mga bata.
“Sabihin mo kay Amir na sumama kayo sa amin mamayang gabi sa may bayan,” wika ni Aling Berta na abala sa ginagawang pag-aayos ng mga kahoy na pang-gatong.
“Ano pong meron?” ang tugon ko.
“May mga food stall, mahaba hanggang palengke. Bukas na rin yung peryaan, may parada rin ’ata mamayang gabi. Paghahanda para darating na Lenong Festival.” Pag-aaya ni Aling Berta sa akin.
Patuloy pa ang ginawa naming pakikisalamuha hanggang sa dumating ang dapit-hapon.
Kasalukuyan na naming binabaybay ang paakyat na hagdan pabalik sa aming tinutuluyan.
Nasa unahan ko sina Amir at Ghon, bitbit nilang dalawa ang tig-isang timba na naglalaman ng aming mga nilabhang damit. Ako naman ay nasa likuran, mas mabagal ang hakbang, mas mabigat ang isip.
Sa likod namin, ang kalangitan ay unti-unting nilulunok ng dapithapon, kulay kahel na ang langit. Ang araw ay papalubog, ngunit ang buwan ay nagsisimula nang sumilip, tila nagbabantay sa aming pag-akyat.
Habang patuloy ang paghakbang pataas ako ay taimtim na nag-iisip.
Iniisip kung ano ba talaga ang dapat kong gawin.
Kung hanggang saan lang ba ako dapat.
“Ayos ka lang, Cali?” wika ni Amir mula sa unahan.
Saglit kaming huminto sa pag-akyat. Dahan-dahan akong bumaling sa kanila, at doon ko nakita ang mata nilang nag-aalala, nawa’y nagtataka sa aking katahimikan.
Ngumiti ako, pilit ngunit totoo.
“Oo,” tugon ko.
Tumango naman sila, halatang nagtataka pa rin, ngunit hindi na kumontra. Itinuloy namin ang paghakbang.
Ngunit sa oras na iyon, malinaw na sa akin ang aking nararamdaman.
“Tama si Ghon,” mahina kong utas.
Sabay na bumaling sa akin ang kanilang mga mukha, bakas ang pagtataka.
“Mas magiging hindi komportable si Bossing kung idadamay ko pa siya sa mga panaginip ko,” seryoso kong lahad.
“Malaki na ang bagay na tinulungan niya tayo, na pinatuloy pa niya tayo sa kanya,” dagdag ko.
“Malaki na ang responsibilidad niya rito. Hindi na ako dadagdag pa.”
Huminga ako nang malalim bago muling nagsalita.
“Alam kong isa siya sa maaaring makasagot sa mga tanong ko…pero pipilitin kong ako mismo ang humanap ng sagot.”
“Pero paano ka?” agad na wika ni Amir.
Umiling ako. “Nandito tayo para sa thesis natin, iyon ang dapat nating pagtuunan,” tugon ko.
Sabay nalang silang napatango, tila may gustong sabihin ngunit piniling itikom ang bibig.
Hindi na kami nag-usap pa. Muli naming ipinagpatuloy ang paglalakad pataas, kasabay ng unti-unting paglubog ng haring araw sa aming likuran.
Nang malapit na kami sa aming tinutuluyan, nakatuon lamang ang aking paningin sa harapan. Kaya’t hindi ko agad napansin ang biglang paghinto nina Ghon at Amir sa mismong harapan ng kubo.
Naramdaman ko nalang ang bigat sa hangin.
Pag-angat ko ng tingin, nakabaling sila sa akin, mga matang puno ng takot, tila may bagay silang ayaw akong makita ngunit wala silang magawa.
Nang maitapak ko ang aking paa sa harapan ng kubo, saka ko lamang nakita ang lalaking nakatayo roon.
Nakatayo si Bossing.
Seryoso ang kanyang mukha, ngunit higit na matalim ang tinging ibinabato niya sa akin.
Dahan-dahang bumaba ang aking paningin sa hawak niya.
Nanlaki ang aking mga mata.
Ang sirang lampara ay nasa kanyang kamay. Mas napalaki ang gulat ko nang makita ang dugong tumutulo mula sa kanyang kaliwang kamay, humahalo sa mga bubog na tila kanina lamang ay mahigpit niyang hinawakan.
Ilang segundo ang lumipas, tahimik, mabigat.
Bigla niyang binitiwan ang sira-sirang lampara.
Bumagsak iyon sa lupa na may kalansing na tila pumutol sa aking paghinga.
Mabilis siyang humakbang palapit sa akin. Bago pa ako makatanggi, inihawak niya ang kanyang duguang kamay sa aking kanang pulsuhan at marahas akong hinila palayo sa aking kinatatayuan.
“Cali!” “Bossing!”
Kabanata 22
T A H A N A N
February 1942, Baguio, Benguet
Dalawang buwan na. Halos dalawang buwan na ang lumipas mula nang magsimula ang aming training dito sa kampo.
Sa puntong ito, wala na akong maramdaman miski mapa-emosyonal o pisikal. Paulit-ulit na pag-aalay ng dugo at pawis, araw-araw na binubura ang kung sino kami noon.
Wala nang atrasan.
Nandito na kami, at kahit gusto pang umatras ng katawan ko, ang katotohanan ay isa lang ang direksyon nito.
Ilang linggo na lang.
Ilang linggo bago kami ipadala sa Bataan.
Ngayon pa lang, nanginginig na ang aking mga kalamnan, hindi lang sa pagod, kung ’di sa takot.
Takot sa kung anong nakaabang. Takot sa posibilidad na baka ito na ang huling pagkakataong makahinga ng payapa.
“Sino ’yan?”
Ang tinig na iyon.
Siya.
Si Emilio.
Sa gitna ng pasakit dito sa kampo, tila siya ang pahinga ko. Kapag kasama ko siya, may bahagi sa aking naniniwalang ligtas pa rin ang mundo na kahit pansamantala, may lugar pa ring hindi naaabot ng bala at sigaw ng digmaan.
Hindi siya nagkakamali sa mga salitang binibitawan niya. Ramdam ko. Ramdam ko ang pagmamahal niya kahit walang pangako, kahit walang katiyakan kung may bukas pa kaming haharapin.
Ang mga mata niyang maamo. Ang ngiti niyang tila kayang pansamantalang burahin ang pagod. Ang mga salita at kilos niyang nagsisilbing gamot, hindi lang sa akin, kung ’di sa lahat ng sakit na pilit naming tinatago.
“Kita mo ang ginagawa mo?” usisa niya, may halong lambing.
Nandito kami sa dating tagpuan. Sa ilalim ng puno ng mangga, muling tumakas sa gitna ng malalim na gabi at ngayon ay naliligo sa malamlam na liwanag ng buwan.
Pareho kaming abala, ako, hawak ang aking sketchbook, sinusundan ng lapis ang pamilyar na anyo habang siya naman, hawak ang gitara na kanina pa nito tinitipa.
“Kita ko,” tugon ko, hindi iniaangat ang tingin. “Maliwanag ang buwan, oh.”
“Sino ba ’yan?” muling tanong niya, mas malambing ngayon.
Lumapit siya, inilalapit ang mukha sa papel na para bang sinisipat ang bawat linya, bawat anino.
Hindi ako sumagot.
“Magandang lalaki naman ’yan,” wika niya, may ngiting may bahid ng biro. “Mukhang maangas at mapagmahal pa.”
Napangiti nalang ako.
Dahil alam naming pareho ang totoo.
Ang lalaking iginuguhit ko sa papel ay walang iba kung ’di siya.
“’Wag ka nga, kanina ka pa tumitipa sa gitara mo, hindi ko pa naririnig ang pagkanta mo.” Pagbibigay pansin ko sa kanya. “Marunong ka ba talaga?” dagdag ko.
Ngumisi ito bago niya muling iginayak ang sarili para tugtugin ang hawak-hawak na gitara.
“Makinig ka,” wika nito bago niya sinimulan ang pagtipa sa gitara.
Sa liwanag ng buwan, muli kong nasilayan ang maamong mukha ng lalaking hindi ko kailanman inakalang matatawag kong akin na kahit sa sandaling ito lamang.
Sumabay sa simoy ng hangin ang unang mga nota, banayad, maingat, tila pinag-isipan ang bawat tunog. Hindi ito basta tugtog nguit pakiramdam ko ay may bigat, may pinanggagalingan.
Ilang segundo pa, nagsimula siyang umawit.
“Litrato man natin ay kumupas” mabagal at maingat na mga liriko na inilalabas ng kanyang bibig.
“Ikaw aking noon, ngayon, at bukas” bahagya siyang sumulyap sa akin, ang mga mata niya’y punong-puno ng sinseridad.
Napangiti nalang ako habang taimtim siyang pinapanood.
“Kung paboritong kuwento nati’y magwakas Ay uulitin kong ikuwento bukas”
Ang awiting ito ay ngayon ko lang narinig sa kanya, pamilyar ang bawat nota dahil sa halos-dalawang buwan ay ito ang tinitipa niya sa gitara.
Ngunit ang mga liriko ay ngayon ko lang napakinggan.
“Ang panata ko’y mananatili” sa hindi ko malamang dahilan, ang mga luha sa aking mata ay nagsisimulang bumagsak kasabay ng bawat tipa ng nota.
Muli siyang bumaling ng tingin sa akin.
“Kaya tahan na Aking tahanan”
Huminto ang kanyang mga kamay. Dahan-dahan niyang isinandal ang gitara sa troso na inuupuan namin, saka tumayo at humarap sa akin.
Ang kanang kamay niya ay marahang humaplos sa aking pisngi, pinunasan ang luhang hindi ko namalayang bumagsak.
“Kaya tahan na, Aking tahanan…”
Ang mga salitang iyon ay hindi lang kanta. Isa itong pangakong alam naming pareho na maaaring hindi na matupad.
Ang kanyang kanang kamay ay kanyang iginayak sa aking ulo para simulang haplusin ang aking buhok, marahan at banayad.
Napangiti ako dahil muli na naman akong nakaramdam ng kapayapaan sa bawat paghaplos niya sa aking buhok.
Ngunit bago ko palang muli nararamdaman ang sarap ng kapayapaan na ’yon ay doon kami nakarinig ng kaluskos at mga malilikot na ilaw dito sa aming pwesto.
Mabilis niyang inihawak ang kanyang kamay sa aking kanang pulsuhan at dali-dali akong hinila papatayo sa inuupuan upang muling magtago sa likod ng puno ng mangga.
2026, Chaya, Mayoyao, Ifugao
“Cali!” “Bossing!”
Tila gulat na pagtawag ni Amir at Ghon sa amin ng Bossing na kasalukuyang hila-hila ako sa aking kanang pulsuhan.
Mabilis ang mga hakbang niya. Walang pag-aalinlangan. Diretso kaming tumumbok sa gilid ng puno ng mangga, tago sa mga matang maaaring makakita.
Sa oras na ito, alam kong galit siya.
Galit siya dahil nakasira ako ng bagay sa pagmamay-ari niya.
Nang tumigil kami, doon bumigat ang aking dibdib. Ang kaba’y parang sa isang batang naghihintay ng pagalitan ng nakatatanda.
Binitiwan niya ako, at doon ko napansin ang mga hiwa sa pagitan ng kanyang mga daliri, may mga sugat na gawa ng basag na salamin ng lampara.
Hindi ko pinansin ang mga matalim niyang mata na ibinabaling sa akin, ang mga malalalim niyang paghinga na hudyat na ito’y galit sa aking nagawang kasalanan.
Sa hindi malamang dahilan, dinukot ko ang puting panyo sa aking bulsa.
Nakabaling ang aking tingin sa kanyang kaliwang kamay na patuloy pa rin ang pagdugo dito.
Igagayak at aabutin ko sana ang kamay nito ng mabilis niyang itinago sa likuran niya. Dahilan para mapatingin na lang ako sa kanyang mukha.
“Anong sabi ko?” malalim at seryosong panimula niya.
“Pinatuloy ko kayo rito para sa pag-aaral niyo. Hindi para sirain ang pagmamay-ari ko.” Matigas niyang tugon at ramdam ko ang galit sa kanyang mga mata.
Hiya.
Hiya ang nararamdaman ko. Kasalanan ko, ngunit aksidente ang lahat. Pero kahit sabihin ko sa kanyang hindi ko ito sinasadya, alam kong hindi noon mababago ang lahat.
“Pasensya na po.” Aking tugon kasabay ng pagtungo hudyat ng hiya.
Ramdam ko ang bigat ng bawat paghinga niya bago ko nakitang may hinuhugot sa kanyang bulsa.
“Ano ring sabi ko sa ’yo?” utas niya at doon ako dahan-dahang bumaling ng tingin sa kanya,
“…na huwag mo akong idamay sa kahibangan mo!” matigas niyang wika.
Hindi na ako nagtaka pa.
Hawak niya ang gusot-gusot na pinilas na papel mula sa aking sketchbook.
“Ano bang problema mo?” ramdam ko ang inis niyang wika.
“Ilang beses kong sasabihin sa ’yo na hindi ako ang karakter sa pantasya mo.”
Ang mga salitang iyon ay hindi ko alam kung bakit tila nagsilbing kutsilyo na tumarak sa puso ko.
Kasabay noon ay nagsimulang mag-unahan sa pagbagsak ang mga luha sa aking mga mata na para bang hindi ko alam kung saan ito galing.
“Ang mga sagot sa tanong na hinahanap mo ay hindi masasagot kung hindi mo sisimulang kalimutan.”
Matigas niyang wika kasabay noon ay mabilis niyang ginusumot ang papel at doon ibinato sa harapan ko.
“Ang pagpapantasya ay isang uri ng kasalanan…” malamig niyang bago muling matalim na bumaling sa akin.
“Kaya ’wag mo akong idadamay sa pantasya mo.”
Tila ang mga salitang iyon ay hindi ko na narinig.
Dahil bago pa naman ang lahat ay buo na ang desisyon ko.
Ngunit bakit kahit alam ko na ang gagawin ay may sakit pa rin sa puso ko, na para bang kahit paano ay umaasa ako ng maliit na pag-asa na matapos ng maayos ang kuwentong iyon.
Hindi ko na alam.
Diretso akong tumingin sa kanya.
“Pasensya na po…” pagpapaumanhin ko.
“Papalitan ko nalang po ang nasirang lampara,” aking utas.
Hindi ko na hinintay pa ang kanyang sasabihin.
Mabilis akong humakbang papaalis sa harapan niya.
Mabilis ko pang pinunasan ng hawak kong panyo ang mga luha sa aking mata.
Matapos noon ay tinumbok ko na ang daan papunta sa kubo.
“Cali.” “Are you okay, Cali?”
Ang salubong sa akin ni Ghon at Amir na ngayon ay inaayos ang kanilang hihigaan.
Tumango ako. Bago ko kinuha ang bag sa gilid ng kama.
“Where are you going?” usisa ni Ghon habang kinukuha ko ang wallet sa bulsa ng bag.
“Papalitan ko yung lampara.” Tugon ko.
“Ha? Gabi na, hindi ba pwedeng bukas?” Si Amir.
“Magpapasama ako kila Aling Berta,” aking tugon.
Hindi ko na hinintay pa silang makapagsalita. Mabilis kong tinumbok ang daan papalabas ng kubo.
Kasabay ng tuluyang paglubog ng araw, ay ang mabilis kong pagbaba patungo sa sentro, at sa bawat hakbang na ginagawa ko ay hindi ko mawari ang bigat, hiya, at sakit na nararamdaman ko.
Ngunit sa oras na ito, isa lang ang aking nasisigurado.
Siya muli ay nagparamdam sa akin.
Ang anino’y muling nakasunod sa akin.
Kabanata 23
P A N G A K O
March 1942, Baguio,
Bengue
t
Wala nang atrasan.
“The day has come!” sigaw ni Commander Peterson, “Your training is finished but your mission is still on the run!” dagdag niya.
Matikas ang aming tindig sa harapan. Diretso ang likod, tuwid ang mga braso sa magkabilang gilid ng aming tagiliran. Sa kaliwa ay hawak-hawak ang nakatayong mahabang baril na para bang parte na ito ng aming katawan.
Ang mga mata’y nakapako sa unahan, hindi kumukurap, habang ang papalubog na araw ay dumadampi sa aming mga katawan. Habang suot ang kupas na berdeng unipormeng ilang buwan nang sinusuot, sinabayan ng pawis, dugo, at pagod.
“You know that you came here for one reason, not just for yourself…” utas niya, “…but for the country!” wika pa nito habang pabalik-balik sa aming harapan.
Nanunuyo na ang aking lalamunan sa kaba.
Dahil sa oras na ito ay wala nang atrasan pa.
Ilang oras na lang.
Ilang oras na lang bago kami ipadala.
Ang aming mga gamit ay nasa tabi namin, ayos, siksik, walang kalat. Bawat laman ay pinag-isipan. Alin ang kakailanganin, alin ang maaaring iwan, alin ang maaaring maging dahilan ng buhay o kamatayan.
“In this troop…no one will be found six feet under!” sigaw pa niya sa harapan.
“Do you understand?!” hiway nito.
Ang aming kanang kamay ay sabay-sabay na sumaludo “Sir! Yes! Sir!” sigaw ng buong tropa.
“No one will ever be gunned by a Japanese!” sigaw niya. “Sir! Yes! Sir!”
“All of you will survive!” “Sir! Yes! Sir!”
“All of you will claim the land of yours!” “Sir! Yes! Sir!”
“At ease!”
Sabay-sabay naming ibinaba ang aming mga kamay, ngunit nanatiling mabigat ang hangin na parang may nakapatong sa aming mga dibdib.
Lumapit si Commander Peterson kay Lieutenant Dela Torre at sandaling kinausap ito bago tuluyang umalis sa aming harapan.
“Magsama-sama na ang bawat grupo,” seryosong utos sa amin ni Lieutenant. “Paparating na ang sasakyan niyo. Huminga muna kayo at siguraduhin na dala niyo ang dapat dalhin.”
Pagkaalis niya, doon pa lang gumalaw ang aming mga katawan.
Umupo ako at muling binuksan ang aking duffel bag at backpack na nakalapag sa paanan ko, magkatali na ang dalawa at doon parang sinusuri kung sapat ba ang laman nito para sa kung anong nakaabang sa amin.
“Gago. Gago. Gago.”
Napalingon ako kay Bon na kakaupo pa lang sa tabi ko. Mabilis din niyang binuksan ang kanyang backpack, halatang wala sa ayos ang mga kamay.
“Bilis ng tibok ng puso ko, gago,” bulong niya, pilit na tumatawa pero nanginginig ang boses.
“Natatae ako na ’di ko malaman. Tangina.”
Hindi ko alam kung tatawa ba ako o makikisabay sa kaba niya.
Sa paligid namin, may mga lalaking tahimik lang, nakayuko, nagdadasal, o nakatitig sa kawalan. May mga nagbibiro, may nagmumura, may nagpipigil ng luha. Iba-iba ang anyo ng takot, pero iisa lang ang dahilan.
Mamaya, iiwan namin ang lugar na ito.
Mamaya, iiwan namin ang katahimikan.
Mamaya, haharap na kami sa digmaan.
At kahit anong tapang ang isigaw ng mga nakakataas ay alam naming lahat…
…na hindi lahat ng umaalis ay siguradong makakabalik.
“Caloy…” ang boses ng pagtawag na iyon ay aking kailangan.
Mabilis akong tumayo sa pagkakaupo at hinarap siya.
“Emilio…”
Ibang-iba ang itsura niya.
Hindi ito ang Emilio na kilala ko sa ilalim ng puno ng mangga.
Ang Emilio sa harapan ko ngayon ay hinuhubog ng parehong emosyon na bumabalot sa aming lahat, ang takot, pangungulila, at ang lungkot ng mga paalam na maaaring maging huli.
“Ito…” basag ang boses niyang wika bago niya iabot sa akin ang isang nakatiklop na puting papel.
Napatingin ako roon, saka sa kanya. “Ano ’to?”
“Itago mo,” mahina niyang utos.
“Basahin mo kapag natapos na ang lahat ng ito.” Doon ko naramdaman ang bigat ng papel, at iyon ay hindi dahil sa kapal.
Tumango ako.
“Matatapos din ’to.” Pagpapalakas ko ng loob sa kanya.
Tumango rin siya.
Hindi nagsalita.
Parang pareho naming alam na anumang sasabihin pa ay maaaring bumigay ang loob naming dalawa.
At saka niya ako niyakap.
Hindi patago.
Hindi nagmamadali.
Hindi alintana ang mga matang nakatingin.
Halatang gulat ngunit hindi na ako nagprotesta.
Kahit na alam kong nakatingin ang mga matang mapang-husga ay sinuklian ko ng yakap ang mainit na pag-yapos ni Emilio.
Dahil sa sandaling iyon, mas mahalaga ang init ng kanyang katawan kaysa sa malamig na takot ng digmaan.
“Kaya natin ’to,” bulong ko habang hinahaplos ang kanyang likod.
“Pakiusap…” basag ang kanyang tinig.
“Mag-iingat ka, Caloy.”
“Mag-iingat ka rin,” ang tugon ko.
“Mag ingat ka para sa sarili mo…” wika ko.
“…para sa akin, at para sa atin.” Dagdag ko sa kanya.
“Ipangako mo sakin Caloy…”
“…ipangako mo na hindi ka mawawala, na hindi mo ako iiwan.”
“Pangako.” Tugon ko.
Dahan-dahan kaming bumitaw.
Doon ko nasilayan ang namumula niyang mata na wari’y ilang segundo pa ay babagsak na.
Umiling ako at pilit na ngumiti. Sa oras na ito, ako naman ang gagawa ng isang bagay sa kanya.
Ang aking kanang kamay ay inilahad ko sa kanyang ulo at doon sinimulang haplusin ang kanyang buhok.
Ilang segundong paghaplos sa kanyang buhok ay ibinaba ko ito sa kanyang pisngi, si Emilio ay napapikit sa aking itinuran.
“Kaya natin ’to…” pagpapalakas ko ng loob sa kanya.
Hindi magkasama ang grupo namin sa lugar kung saan kami ipapadala sa Bataan.
Kung ang grupo nila ay sa Abucay-Mauban Line kung saan ang pinaka madugong posisyon, ang grupo naman namin ay sa Mariveles.
Alam kong takot na takot din siya sa oras na ito.
Inalis ko na ang pagkakakapit sa kanyang mukha. Umayos na siya ng tayo at bago pa siya makabalik sa pwesto ng kanilang grupo…
“Emilio.” Pagtawag ko at mabilis na may kinuha sa aking duffel bag, sinilid ko rin doon ang liham na ibinigay niya.
Kinuha ko ang sketchbook at bumaling sa kanya. “Ito…” mabilis kong pinilas ang pahina sa aking sketchbook bago ito ito inabot sa kanya.
Ang guhit ng kanyang mukha.
Ngumiti siya bago ito bumalik sa kanyang pwesto sa grupo.
“Handa sa pila!” Bago pa ang lahat ay umayos na kami ng pila, kasabay noon ay ang pagyanig ng lupa sa paglapit ng mga naglalakihang sasakyang pandigma.
Muli pang nag-iwan ng mga salita ang nakatataas bago tuluyang nagsimulang magsakayan ang bawat tropa sa kanya-kanyang sasakyan.
Mga salitang paulit-ulit ko nang narinig, ngunit ngayon ay parang wala nang saysay. Dahil sa oras na ito, iisa lang ang laman ng isip ko.
Siya.
Iginala ko ang aking mata sa hanay ng mga sundalong sumasakay sa sasakyan, sa kanan, sa likod, sa harap, hinahanap siya.
At doon ko siya nakita.
Sa kaliwa.
Pareho rin ang pwesto niya.
Nakatayo sa likurang bahagi ng sasakyan, hindi pa sumasakay.
Nakatitig sa akin.
Naghihintay.
Parang pareho naming alam na ito na ang huling sandali na makikita namin ang isa’t isa sa ganitong paraan.
Itinaas ko ang aking kanang kamay bago ito iwinagayway, pamamaalam.
Ngumiti siya.
Isang ngiting pilit, ngunit sapat na para mabiyak ang dibdib ko.
Ginaya niya ang aking postura, ikinaway niya rin ang kanyang kanang kamay.
Sa sandaling iyon, gusto kong tumakbo palapit sa kanya. Gusto kong sumigaw. Gusto kong bawiin ang lahat ng desisyon na humantong sa sandaling ito.
Ngunit huli na.
“Caloy, bilisan mo na!” sigaw ni Bon.
Bigla akong hinigit papaakyat sa sasakyan, at sa isang kisapmata, naputol ang linya ng aming mga mata.
Sa pag-gayak ni Bon sa akin paupo sa kaliwang pinakadulong bahagi ng sasakyan, doon ko naramdamang bumagsak na ang mga luha sa aking mata.
Hindi ko na napigilan.
Sa harapan ko ay si Bon.
Inabutan ako ng puting panyo. “Bawal umiyak.” Mahina ngunit mariing wika niya.
Ilang minuto pa ang itinagal, kasabay ng tuluyang paglubog ng haring araw. Doon nagsimulang umandar ang aming sinasakyan.
“Magiging ayos din ang lahat.” Pagpapakalma sa akin ni Bon habang ang aking tingin ay nasa likuran.
Lima ang sasakyan. Pang-apat sa pila ang sasakyan na aming sinasakayan.
Alam kong nakasay siya sa pang-una, dahil iyon ang papunta sa Abucay-Mauban Line. Kami at ang sasakyang nasa likuran ay ang papunta sa Mariveles.
Diretso lang ang aking tingin sa likod, habang unti-unting nilalamon ng alikabok at dilim ang daan.
Doon ko pinipilit pakalmahin ang sarili habang hinahawakan ang porselas na ibinigay niya sa akin, mistulang nagsisilbing paraan para ang aking nararamdaman ay maibsan.
2026, Mayoyao, Ifugao
“Ano bang bibilhin mo, Cali?” basag na tanong ni Aling Berta ang sumira sa katahimikan sa aking tabi.
Napakurap ako, tila hinugot pabalik sa kasalukuyan mula sa sarili kong pag-iisip.
Ngayon ay sakay kami ng isang maliit na owner-type na sasakyan. Bukas ito at walang bubong kaya ramdam ko ang malamig na hangin na humahaplos sa aking mukha habang unti-unting dumidilim ang paligid ng aming nadadaanan.
Nakaupo ako sa pinakadulo ng sasakyan, hawak ang gilid nito, habang pinagmamasdan ang paligid ng aming nadadaanan.
Bumaling ako sa kanya.
“Ano po. Lampara.” Tugon ko, “Nabasag ko ho iyong kay Bossing. Papalitan ko po.” Dagdag ko pa at ito’y tumango.
Kasalukuyan akong kasama nila, tila ba ako’y parte ng kanilang asosasyon ng mga nanay. Anim kaming nasa likod ng owner, lima ay mga nanay. Sa harapan ang nagmamaneho ay asawa ng isa sa mga kasama namin, sa passenger seat naman ay ang anak nila.
Niyaya ako ni Aling Berta kanina sa sentro. Hindi na ako nagdalawang-isip.
Kung kakainin man ako ng hiya dahil sa aking nagawa, mas pipiliin kong gumawa ng paraan para itama iyon.
“Lampara?” utas ng isang nanay sa aking harapan.
Tumango ako.
“Kila ano…kila Ka Tisoy, meron,” suhestiyon ng katabi niya.
Muli akong tumango, ramdam ang pag-alog ng sasakyan sa bako-bakong daan.
“Hanggang kailan kayo sa Chaya?” tanong naman ng katabi ni Aling Berta.
“Hanggang ngayong buwan lang po,” sagot ko, may kasamang munting ngiti.
“Mabubuti ang mga taga-Mayoyao,” wika ng isa.
“Ilang taon ka na, Totoy?” sunod na tanong.
“Twenty-three po,” sagot ko.
“Bata pa,” sambit niya.
“Magandang bata ito,” dagdag ni Aling Berta.
Napayuko ako ng bahagya, dahil hiya sa papuri.
Sa halip, nakinig na lamang ako habang nagpapatuloy ang kanilang usapan, may halong tawanan, may halong pang-araw-araw na kuwento.
May mga salitang binibigkas sila sa lengguwaheng hindi ko pa ganap na kabisado, ngunit pakiramdam ko’y unti-unti ko na ring nauunawaan, hindi man sa salita, kundi sa tono at damdamin.
Habang umuusad ang sasakyan, unti-unting lumalayo ang Chaya.
At sa aking dibdib, may tahimik na panalangin na sana, sa simpleng lamparang iyon, kahit papaano’y makabawi ako.
Ilang minuto pa ang lumipas bago tuluyan naming marating ang bayan ng Mayoyao, sinalubong ng ilaw at ingay na tila ba ay ibang mundo kumpara sa katahimikan ng dinaanan naming daan.
Kaliwa’t kanan ang mga nakatayong tent, iba’t iba ang sigaw, ilaw, at kulay. Pagkain, damit, gulay, prutas, samu’t sari ang makikita rito. Tila ba piyesta ang buong paligid dahil sa dami ng taong nagsisiksikan sa bawat daanan.
Maliwanag ang mga nakapalibot na ilaw, halos pantaboy sa dilim ng gabi, at sa bawat hakbang namin ay naririnig ang dagundong at hiyawan na alam kong nagmumula sa mga rides sa perya.
May halong tuwa at pagod ang ingay, tawanan ng mga bata, tawag ng mga nagtitinda, at musika na sabay-sabay na nag-aagawan ng espasyo sa hangin.
“Ihiwalay-k muna hi Cali. Mun-aliw kami hi lampara na.” Ang wika ni Aling Berta sa kanyang mga kasama nang magsimula kaming lumakad.
Hindi ko man alam ang lenggwahe, ngunit ito’y naintindihan ko nang hilahin ako ni Aling Berta papalayo sa kanila.
“Hanapin muna natin yung tindahan nila Ka Tisoy at minsan maaga nagsasara ’yon.” Suhestiyon ng matanda, ’di na ako nagprotesta pa at nagpaanod nalang sa kanya.
Sa gitna ng dami ng tao at ingay, ilang minuto pa ay narating namin ang maliwanag na tindahan ni Ka Tisoy na aktong nagsasara na ng tindahan niya.
“Maphod ta naka-abot kami.” Ang wika ni Aling Berta sa matandang kalbo na lalaki, “Buti nakaabot tayo.” Baling ni Aling Berta.
“Ngadan di iyu?” salubong sa amin ni Ka Tisoy.
“Lampara di aliwon na, hi mun-gamit hi gasolina,” tugon ni Aling Berta at bumaling siya sa akin, “Tama ba, Cali? Yung di-gasera?” pagkumpirma nito at doon ako tumango.
“Oo Ka Tisoy, yung di-gasera.” Wika nito sa lalaki, tumango naman siya bago kumilos at humanap sa mga tinda niya.
Iginala ko ang tingin sa kanyang mga paninda. Sari-sari na uri ng lampara ang meroon dito. May mga ginagamitan parin ng gasolina, ngunit mas madami na ang kailangang isaksak at ginagamitan ng solar power.
“Ito,” muling bumalik ang aking tingin sa hawak ni Ka Tisoy.
Napangiti nalang ako nang makitang halos pareho lang din ng nabasag na lampara. ’Di ko na pinatagal pa at doon ko na ito binili.
Matapos iyon, muling kaming naglakad ni Aling Berta upang hanapin ang kanyang mga kasama habang bitbit ko ang lampara na may kabigatan, pero kakaiba ang pakiramdam.
Para bang sa bawat hakbang, may kaunting nababawas sa bigat na kanina pa nakadagan sa aking dibdib.
Sa aming paglalakad, nadaanan namin ang iba’t ibang food stall. Amoy inihaw, mainit na sabaw, matatamis na kakanin na parang isang malaking food bazaar ang buong paligid.
Sandaling napapahinto ang tingin ko sa ilang tindahan, ngunit hindi ako nagtagal.
Hangang sa nakakita ako ng isang tila sikat na pagkaing banyaga. Fishcake.
“Bibili ka?” ang untag ni Aling Berta at doon ako tumango ako, “Akin na muna ’yang hawak mo.” Wika niya.
Inabot ko ang lampara sa kanya bago ako tuluyang tumalikod upang bumili.
Iniisip ko pa na baka magustuhan nina Amir at Ghon, kaya hindi lang fishcake ang binili ko.
May mga corndog, ilan pang pagkaing pang wari mo’y Korean ang dating. Isa, dalawa, tatlo. Nawili ako. Sa sobrang abala ko sa pagpili at pag-abot ng bayad, tuluyan kong nakalimutang may kasama nga pala ako.
Nang matapos akong bumili, bitbit ang dalawang plastic na naglalaman ng iba’t-ibang pagkain, muli akong humarap sa direksyong kinaroroonan ni Aling Berta.
Ngunit doon ay wala siya.
Wala na siya sa likuran ko.
Saglit akong natigilan.
Iginala ko ang aking paningin, una’y dahan-dahan, saka mas mabilis.
“Saan na ’yon?” ang wika ko habang patuloy ang pagsuyod ng aking mata sa paligid ng maliwanag na aking kinatatayuan.
“Aling Berta?” pagtawag ko.
Ngunit hindi ko siya makita.
Sobrang dami ng taong naglalakad sa aking harapan, tila walang simula at walang katapusan ang alon ng mga katawan na dumadaan. Sa oras na iyon, unti-unti nang dinapuan ng kaba ang aking dibdib, unti-unting bumibigat ito.
Nagsimula akong maglakad, pilit na hinahanap ang pamilyar na anyo ng matandang babae.
“O, ngadan di iyu?” “Pansit. Pansit, aliwon yu.” “O, turon, gusto yu?” “Ngadan di sayo?”
Iba’t-ibang wika at ingay mula sa mga nagtitinda na aking nadadaanan.
Sa dami rin ng tao ay hindi maiwasang magkabanggan.
“Pasensya po.” “Sorry po.”
Paulit-ulit kong paghingi ng pasensya, dahil sa mga oras na ito ay hindi lang kaba ang aking nadarama. Kung hindi takot.
Takot.
Takot sa rason na ako’y nawawala.
Iginala ko pa ang aking paningin ngunit hindi ko sila makita.
“Aling Berta?” aking wika.
Muli kong iginala ang aking paningin, mas desperado na ngayon, ngunit wala pa rin. Wala si Aling Berta. Wala ang mga kasama niya. Wala ang lampara.
Napagdesisyunan kong bumalik sa pinagtigilan ng sasakyan, doon siguro sila naghintay.
Ngunit bago ko pa magawa, tila may kumapit na sa aking mga paa. Parang hindi ako makagalaw sa gitna ng daan.
“Parada?” “Oo nandiyan na yung parada.”
Biglang sigawan. Malalakas na yabag. Takbuhan. Ang mga tao’y nagsimulang magdagsaan sa iisang direksyon, wari’y hinihila ako ng agos kahit ayaw ko.
Hindi ako makagalaw.
Sa oras na iyon, naramdaman ko na lang ang pamilyar na pagkahilo, ang paninikip ng aking dibdib, ang bigat sa aking ulo.
Humigpit ang kapit ko sa mga plastic na hawak ko, parang iyon na lang ang tanging bagay na nagpapatunay na gising pa ako.
At habang iginagala ko ang aking tingin sa paligid ay doon ko siya muling nakita.
Muling nagparamdam ang kanyang anino.
Nakatayo sa malayo.
Tahimik at hindi gumagalaw.
Hindi na malabo ang kanyang mukha. Malinaw na malinaw ito.
Ilang segundo pa ay doon na lamang bumagsak ang isang malakas na sigaw, sabay-sabay, tila nagmumula sa iba’t ibang direksyon.
Dumilim ang paligid.
Parang may malakas na umihip sa liwanag sa paligid.
“Nawalan ng kuryente!?” rinig kong sigaw sa kung saan, kasabay ng sunod-sunod na ungol at pag-aalala ng mga tao.
Ang kanina lang na makulay at masiglang paligid ay napalitan ng anino at hugis-hugis na halos hindi ko maaninag.
Para bang mga anino na mabilis na tumatakbo at nagtatago.
Mas lalo akong kinabahan.
Ang dibdib ko’y bumigat, ang paghinga ko’y naging mababaw.
Sa dilim, mas lalong dumami ang mga tunog, yabag, sigaw, pagbangga, ngunit wala na akong malinaw na makita kung saan nanggagaling ang mga iyon.
Humigpit ang kapit ko sa hawak kong mga plastic, ngunit parang wala na silang bigat o baka ako lang ang nanghihina.
Sa kawalan ng liwanag, pakiramdam ko’y lalo akong nalulunod.
Tila ba ay nakakaramdam ako ng sobrang pagod.
Hingal.
Ako’y hinihingal.
Sunod-sunod ang ginagawa kong paghahabol ng hininga.
Hindi ko na alam kung nasaan ako.
Hindi ko na alam kung nasaan sila.
Napapikit ako habang pinakikiramdaman ang paligid sa pamamagitan ng aking mga pandinig.
Kabanata 24
this chapter is dedicated to JmESTIOCO3
B O N
March 1942
Sa kalagitnaan ng malalim na gabi.
Ilang oras na ang nagiging takbo ng aming byahe, hindi ko na alam kung nasaang lugar na kami. Lumalalim na ang gabi ngunit wala kahit isa sa amin ang nangangahas na ipikit ang kanilang mga mata, na para bang isang malaking kasalanan ang pagkurap at pag-hinga.
Hindi pa rin napuputol ang aking tingin sa likuran, nandoon pa rin ang pang-limang sasakyan, pilit na sumusunod sa amin habang bako-bako ang kalsadang binabaybay namin.
Sa paligid, punong-puno ng anino ang gabi. Ang mga naglalakihang puno ay tila mga bantay na nakatindig sa gilid ng daan, habang ang liwanag ng buwan lamang ang nagsisilbing ilaw at gabay sa aming paglalakbay.
Kaba.
Iba ang lamig ng simoy ng hangin. Hindi lang isang karaniwang lamig ng gabi dahil ito ay may bigat, may babala.
“Caloy,” mahinang tawag ni Bon mula sa aking unahan. Prente siyang nakaupo, yakap ang baril na para bang maya-maya lang ay dadapuan na siya ng antok.
“Bakit?” tugon ko.
“Nagugutom ako,” bulong niya, sabay hawak sa tiyan.
Napailing na lang ako. Inabot ko ang duffel bag at doon ito binuksan para kuhanin ang isang biskwit na halos nadurog na sa siksikan.
“O ’yan.” Inabot ko sa kanya.
Kasabay noon ay biglang nagpreno ang sinasakyan namin.
Napaatungal ang ilan sa aming mga kasama sa likuran, may kaba, may iritasyon.
“Bakit tumigil?” “Nandito na ba tayo?” “Inaantok na ako.”
Napatingin ako kay Bon. Sinisimulan na niyang kainin ang biskwit, tila walang pakialam.
Ngunit ako…
Mas lalo lang bumilis ang tibok ng puso ko.
Napayakap ako sa baril at sa duffel bag na dikit na dikit sa aking dibdib. Pilit kong iginayak ang sarili upang sumilip sa unahan.
Madilim ang paligid, ngunit natanaw ko ang pagbaba ng sundalong nagmamaneho ng aming sasakyan.
Para siyang uusisa sa kung anong mali.
At doon…
Napalaki ang aking mga mata.
Sa isang iglap, bumagsak ang sundalo.
Mabilis. Walang babala.
Kasunod nito, sunod-sunod na pagsabog ang yumanig sa hangin mula sa unahan papunta sa likuran.
BANG! BANG! BANG!
“Ambush! Higa” malakas na pagsigaw ng isa sa mga tropa.
“Mga Hapon!” “Ambush!” “Dapa!”
Hindi pa man ako nakakakurap ay hinila na ako ni Bon pababa mula sa sasakyan.
Sa ilalim nito, doon kami dumapa na para bang hinahalikan na ang lupa.
Habang ang langit ay tila pumuputok sa ingay ng baril. Rinig na rinig ang sigawan, ang tilian ng bakal, ang sunod-sunod na putok na tila walang katapusan.
Nanginginig ang aking mga kamay habang yapos-yapos ang baril na aking hinihigaan.
Hindi ko maramdaman ang sarili kong mga daliri.
“Tangina!” mura ni Bon.
Isang malakas na dagundong ang sumunod.
Sumabog ang lupa.
Sumabog ang gabi.
“Tara, Caloy!” muli niya akong hinila.
Nagpatangay ako sa kanya, tumatakbo kasama ng iba pang tropa palayo sa sasakyan.
Sa gitna ng kaguluhan, napalingon ako sa unahan.
At doon…
Parang may humablot sa puso ko.
Sa limang sasakyang pandigma, iisa na lang ang natitira at iyon ang aming sinasakyan.
Ang apat ay nilalamon na ng apoy.
Apoy na tila ba walang awa.
“Caloy!” sigaw ni Bon.
Hindi na ako lumingon pa.
Hinila niya ako papalayo sa kalsada, papasok sa dilim ng kagubatan, habang ang apoy at putok ng baril ay patuloy na umuukit sa likod ng gabi.
At doon ko lang tuluyang naunawaan…
…wala pa kami sa aming destinasyon pero nagsimula na ang impyerno.
“Takbo!” “Putangina!” “Bilisan niyo!”
Gigil na gigil ang mga tropa sa bilis ng karipas sa pagtakbo, ’di na alintana kung madapa o bumangga sa puno, dahil kapag tumigil ka ay mamamatay ka.
Wala ng tigil ang pag-agos ng aking luha dahil sa takot, habang ang aking pagtakbo ay may kasamang talon dahil sa mga nakausling bato at sa mga ugat ng mga puno na para bang humahablot sa aking paa.
“Tangina!”
Isang malakas na pagbagsak ang umalingawngaw sa likuran ko.
“Bon!” sigaw ko.
Nilingon ko siya.
Nakadapa siya sa lupa, pilit bumabangon, nanginginig ang kamay habang hinahabol ang hininga.
“Tumakbo ka na putangina!” galit na sigaw niya nang aktong lalapitan ko siya.
“Caloy! Tu-”
Ako’y natigilan.
Walang pasabi.
Isang putok ang kumitil sa buhay niya.
Tila ba nilagutan ako ng hininga habang pinapanood ang pag-agos ng dugo sa ulo niya.
Hindi ako makagalaw.
“Bon!” basag ang boses ko.
Sa harap ng aking mga mata, bumigay ang kanyang katawan. Bumagsak ang ulo niya sa lupa, at doon ko nakita ang pag-agos ng dugo, mainit, madilim na unti-unting kumalat sa lupa.
Nang aktong lalapitan ko ito, doon ko nalang naramdaman ang paghigit ng isang tropa.
“Tangina?! Gusto mo bang mamatay! Takbo!” sigaw niya nang doon na lang ako muling nagpaanod sa mabilis na pagkaripas ng takbo.
Umiiwas at tumatakas sa bawat pagputok ng baril.
Mabilis nalang akong napapikit ng doon bumulagta ang tropang humigit sa akin.
Ngunit ’di ko na ’yon inisip pa. Patuloy sa walang humpay na pagtakas habang madilim ang paligid.
Tanging buwan ang nagsisilbing liwanag.
Pagod na pagod, hingal na hingal sa mabilis na pagtakbo sa madilim na kagubatan na mistula walang katapusan ang pagtakas sa sariling sinilangan.
’Di ko na mabilang kung ilang oras na ba ang ginagawa kong pagtakbo, ang tanging hangad ko lamang ay maligtas sa isang gulo na hindi ko naman ginusto.
Ang mga matataas na puno ay mistulang anino sa dilim, imbis na kinakain ng katahimikan ang lugar na ito ay malalakas na sigawan, iyakan, at sunod-sunod na putok ng baril ang umaalingawngaw sa malalim na gabi.
“Takbo!” “Huwag kayong tumigil!” “Sa amin ang lupang ito!”
Sunod-sunod ang mga sigaw ng tropa, patuloy ako sa pagtakbo.
Naghahalo na ang aking mga luha, pawis, at dugo sa katawan, gusto ko nang matapos ito.
Sa aking tinatakbuhan, napansin kong mas makapal ang mga tuyong dahon na siksik, patay, na para bang handang lamunin ang anumang mahulog sa kanila.
At doon pumasok ang isang isip.
Hindi tapang. Hindi dasal. Kundi desperasyon.
Mabilis akong tumabi sa gilid. Nanginginig ang aking mga kamay habang hinuhugot ko ang isang pirasong tela mula sa duffel bag. Wala nang oras para mag-isip pa.
Sa isang iglap, humiga ako sa makapal na patong ng mga tuyong dahon.
Itinaklob ko ang tela sa aking katawan.
At isa-isa na mabilis at aligaga na halos hindi humihinga, pinatungan ko ng mga tuyong dahon ang aking sarili.
Tinakpan ko ang aking dibdib. Ang aking mukha. Ang aking mga paa.
Pinili kong hindi na maging tao.
Pinili kong maging lupa. Pinili kong maging dahon. Pinili kong mawala.
Nakahiga ako, hindi gumagalaw at ang bawat hinga ko’y pilit na binabawasan, takot na takot na baka marinig. Ang dibdib ko’y parang sasabog, ang utak ko’y nagkakagulo sa ingay hindi lang sa putok ng baril kung hindi sa kung anong tumatakbo rito.
Pumapasok sa isip ko ang nanay ko. Ang mga kaibigan ko. Ang kinabukasan kong hindi ko na alam kung mangyayari pa. Mga pangarap kong hindi na ’ata matutupad pa. Ang Pilipinas na para bang kasabay kong duguan at naghihingalo.
At si Emilio.
Ang mukha niya. Ang yakap niya. Ang pangako ko sa kanya.
Pilit kong kinagat ang aking mga labi, mariin, halos mag sugat na ito, para pigilan ang hikbi na gustong kumawala.
Ayokong umiyak. Hindi dahil matapang ako, kung hindi dahil alam kong ang isang tunog lang ay sapat na para hindi ko matupad ang aking pangako sa kanya.
Sa ilalim ng mga tuyong dahon, sa gitna ng dilim, nakahiga ako na parang bangkay, na piniling maging isa ng kapaligiran.
Napapikit ako habang pinakikiramdaman ang paligid sa pamamagitan ng aking mga pandinig.
2026, Chaya, Mayoyao, Ifugao
“Bossing!” “Bossing!”
Hingal na hingal ang boses na pagtawag nina Aling Berta, kasama ang dalawa pang kasing-edad niya.
Sa gitna ng dilim at sa pag-akyat papunta sa lugar ng Bossing, bitbit ni Aling Berta ang lamparang binili nila kanina.
Ang liwanag nito’y nanginginig, tila kasabay ng panginginig ng kanyang mga kamay.
Nilapitan nila ang Bossing na nakatayo sa ilalim ng puno ng mangga, mag-isa, tahimik na tila ba’y malayo ang tanaw mula sa malawak at madilim na hagdan-hagdang palayan na tanging liwanag ng buwan lamang ang sumisinag.
Hindi niya kailangang lumingon agad.
May kung anong mali sa hangin.
May kung anong kulang.
Sa kubo naman, mabilis na lumapit sina Ghon at Amir sa pwesto nina Aling Berta nang makita nilang kaharap na ng Bossing ang mga matatanda.
Kita sa kanilang mga mukha ang matinding pag-aalala, lalo na kina Ghon at Amir na kanina pa naghihintay sa kanyang pag-uwi.
“Nasaan po si Cali?” “Where’s Cali?”
Sabay na tanong ng pag-aalala nilang dalawa.
Sa sandaling iyon, doon lang bumaling ang tingin ng Bossing sa kanila.
At doon niya naramdaman.
Ang bigat sa dibdib, mabigat, pamilyar, na para bang babala.
Hindi agad nakapagsalita si Aling Berta. Nanatili lamang siyang nakayuko, hawak-hawak ang lampara na para bang iyon ang huling depensa niya laban sa konsensya.
“Eh kasi…kanina, Bossing, kasama ko naman siya bumili nitong lampara…” aligagang wika niya, halos pabulong.
Tahimik ang Bossing.
“Nawawala po si Cali…” dagdag ni Aling Berta, basag ang boses.
Doon gulat ang naging ekspresyon nina Ghon at Amir.
Ngunit ang Bossing…
Hindi siya nagulat.
Hindi rin siya nagtanong.
Parang matagal na niyang alam na darating ang sandaling ito.
Kinuha niya ang lampara mula sa kamay ni Aling Berta. Mainit pa ang hawakan, sariwa at bagong bili. Pinalitan.
Isang hinga.
Isang mabigat na pinipigilang hinga.
Sa isip niya, mabilis ang mga larawan…
ang dilim ng sentro, ang dami ng tao, ang takot na pilit itinatago sa likod ng tapang.
Hindi ko siya dapat idinadamay.
Hindi ko siya dapat hinahayaan.
Ngunit huli na ang lahat.
Hindi siya nagsalita.
Hindi dahil wala siyang sasabihin, kung hindi dahil pinili niyang hindi magsalita.
Humakbang siya palayo.
“Bossing!” tawag nina Ghon at Amir.
Ngunit hindi na siya lumingon.
Sa bawat hakbang niya palusong sa dilim, iisa lang ang malinaw sa isip niya…
Hindi ito tungkulin ng mumbaki. Hindi ito ritwal. Hindi ito paniniwala.
Ito ay paghahanap.
At sa sandaling iyon, kahit pa laban ito sa lahat ng paniniwala niyang pinanghahawakan.
Hindi niya hahayaang mawala si Cali.
Thank you for reading! Don’t forget to vote and share this story with your friends!
Kabanata 25
this chapter is dedicated to SkyYours
L I W A N A G
March 1942 , Unknown Forest, Philippines
Napasinghap ako.
Nagmulat ang aking mata.
Wala nang ingay akong naririnig, wala nang sunod-sunod na putok, wala nang sigawan, wala nang mga desperadong hiway ng paghingi ng tulong.
Napalitan na ng mga huni ng ibon, mga alulong ng mga hayop at panakanakang simoy ng malamig na hangin.
Umaga na at para bang panaginip lang ang lahat ng mga nangyari kagabi.
Dahan-dahan kong inalis ang nakapatong na tela at mga dahon sa aking katawan, sumalubong sa akin ang preskong hangin ng kagubatan na hindi ko alam kung saan.
Iginayak ko nalang ang aking sarili para tumayo sa aking pagkakahiga at doon mabilis na isinilid muli sa bag ang telang nagligtas sa akin mula sa kapahamakan.
Walang reaksyon na ipinapakita ang aking mukha na kahit sa loob ko ay tila wala na ring natitira.
Isinakbit kong muli sa likod ang backpack. Inayos ko ang duffel bag, isinabit at itinali nang mahigpit sa aking katawan.
Mariin kong hinawakan ang mahabang baril na hindi bilang sandata, kundi bilang tanging bagay na nagpapaalala sa akin na buhay pa ako.
Pagkatapos ay nagdesisyon akong maglakad.
Hindi ko alam kung saan.
Sinimulan kong humakbang papalayo, at habang ginagawa ko iyon ay unti-unting pinapasok ng aking isipan ang isang bagay na matagal ko nang iniiwasan at iyon ay ang pagtanggap.
Pagtanggap na wala na akong makikitang bukas, na ang bawat hakbang ay maaaring huli na, na sa puntong ito, handa na akong mamatay.
Mag-isa.
Ako na lamang.
Hindi ko alam kung paano ako napunta sa ganitong sitwasyon. Walang malinaw na simula, walang eksaktong sandali kung kailan ako nagkamali. Ngunit alam kong may bahagi akong dapat sisihin.
Kasalanan ko rin.
Kung pinili ko sanang manatili sa bahay, kung hindi ako umalis ay sa oras na ito, kasama ko pa sana ang nanay ko.
Sa oras na iyon, bigla na lamang bumalik sa isipan ko ang mga alaala ng aking kabataan.
Lumaki akong nanay ko lamang ang kasama. Siya ang nagpakain sa akin tuwing nagugutom ako, siya ang gumabay kapag naliligaw ako, siya ang nagturo kapag nahihirapan ako, siya ang nag-aruga, at siya rin ang nagmahal sa akin nang walang kapalit.
Noong bata pa ako, pangarap kong maging sundalo.
Hindi dahil sa karangalan, hindi dahil sa tapang.
Kung hindi dahil gusto kong protektahan ang nanay ko.
Ngunit heto ako ngayon, naglalakad sa gitna ng dilim at hindi alam kung saan ang tutunguhin, hindi ko alam kung makakauwi pa ba ako.
Hindi ba’t dapat nasa aming tahanan ako? Hindi ba’t dapat siya ang pinoprotektahan ko?
“Mag-iingat ka, anak ko.”
Iyon lang ang sinabi niya noong umalis ako papuntang Baguio para sa training. Walang sermon. Walang luha. Isang linya lang pero hanggang ngayon ay bumibigat sa dibdib ko.
At ako?
Ako itong himalang buhay pa hanggang ngayon.
Naglalakad, kahit hindi ko namamalayan na unti-unti nang dumidilim ang paligid.
Ilang oras na ba akong naglalakad?
Parang kanina lang ay ginising ako ng pagsikat ng araw.
Ngunit ngayon, muli na namang lumulubog ang araw.
Hindi ko naramdaman ang pagod, kahit ang ngalay ng mga paa na para bang ang katawan ko’y sumusunod na lamang, kahit ang isip ko ay matagal nang sumuko.
Patuloy lang akong naglalakad.
Hanggang sa ako’y natigilan.
Sa gitna ng gabi dito sa kagubatan, na tanging liwanag nang buwan ang nagiging gabay, habang niyayapos nang liwanag ng buwan ang matatayog na punong nagsasayawan.
Dahang-dahan akong bumaling ng tingin sa harapan habang pinakikiramdaman ang kapaligiran, nakakarinig ako ng mga yabag, ngunit hindi iyon ang pumukaw ng pansin sa akin.
Dahil ang pamilyar na aninong ilang dipa ang layo sa akin ay rumehistro sa aking mga mata dala-dala ang isang liwanag na para bang ngayon ko lang nakita.
2026, Mayoyao, Ifugao
Habang ako’y nakapikit at pinakikiramdaman ang paligid sa pamamagitan ng aking mga pandinig ay doon na lamang ako nakaramdam ng isang pamilyar na simoy ng hangin na para bang hinahatak palayo ng dilim at lamig.
Ang ingay ng buong paligid ay tila unti-unting humihina sa aking pandinig.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata.
Doon pamilyar na aninong ilang dipa ang layo sa akin ay rumehistro sa aking mga mata dala-dala ang isang liwanag na para bang ngayon ko lang nakita.
Ang Bossing.
Naglalakad papalapit sa pwesto ko, habang nakataas ang kanyang kaliwang kamay hawak-hawak ang may sinding lampara.
Ang lampara.
Ang liwanag na nagsisilbing aking pag-asa.
Pag-asa.
March 1942, Unknown Forest, Philippines
Si Emilio.
Naglalakad papalapit sa pwesto ko, habang nakataas ang kanyang kaliwang kamay hawak-hawak ang isang sulo na may sindi ng apoy.
Ang sulo.
Ang liwanag na nagsisilbing aking pag-asa.
Pag-asa.
2026, Mayoyao, Ifugao
Diretso ang kanyang tingin sa akin, walang pag-iwas, walang pag-aalinlangan. Seryoso ang kanyang tingin habang patuloy ang kanyang paglapit sa akin.
Mata sa mata.
Doon ko na lamang napagtanto na nag uunahan na palang bumagsak ang mga luha sa aking mata. Na para bang sobra ang tuwa at galak sa aking puso na siya’y makita.
Habang siya’y papalapit sa aking pwesto ay may kung anong nagbabago sa aking paningin. Ang lamparang hawak niya ay unti-unting nag-iiba, nagiging sulo at mas maliwanag at mainit ito.
At siya…
Ang seryosong anyo niya’y napalitan ng ngiti, isang ngiting bihira kong makita, ngunit ngayon ay malinaw na malinaw.
Ngiting puno ng galak at saya sa kadahilanang buhay pa ako at hindi tuluyang nawala. At ganoon din na hindi ko sinira ang isang pangako sa kanya.
Ngunit muling bumalik ang reyalidad.
Hindi ko nalamayan na siya pala’y nasa harapan ko na.
Seryoso.
Sumilay na lamang ang ngiti sa aking labi.
“Hindi ito tulad ng lampara na sinira mo,” ang seryoso niyang turan habang tila inaabot ang lampara sa aking unahan.
Hindi ko iyon pinansin.
Dahil sa sandaling iyon, ay may mas mahalaga akong nakita…
…siya.
Binitawan ko ang hawak-hawak kong plastic, ni hindi ko namalayang nahulog iyon sa lupa.
At bago pa ako mag-isip, bago pa ako matakot, bago pa ako umatras…
…hinagkan ko siya.
Ang yakap na para bang matagal ko nang hinihingi sa kanya.
Ang yakap na parang ngayon ko lang naramdaman.
Ang yakap na para bang ipinagkait ko sa sarili ko.
Mahigpit. Mainit. Totoo.
Kasabay ng patuloy na pagbuhos ng aking luha, doon ko naramdaman ang unti-unting pagbigat ng aking katawan. Parang dahan-dahang hinihila ako ng dilim.
“Cali.” Ang boses niya.
Ang huling malinaw kong narinig bago ako tuluyan kainin ng kadiliman.
March 1942, Unknown Forest, Philippines
Hindi napuputol ang ngiti ni Emilio habang maingat siyang humahakbang papalapit kay Caloy, na ngayon ay wala nang magawa kung ’di hayaang dumaloy ang luha mula sa kanyang mga mata.
Luha ng takot. Luha ng ginhawa. Luha ng paniniwalang buhay pa sila.
Ngunit doon…
…may kung anong gumalaw sa paligid.
Isang pakiramdam. Isang babala.
May kung anong bumigat sa dibdib ni Caloy, parang may malamig na kamay na humawak sa kanyang batok. Ngunit sa halip na umatras, sa halip na mag-isip, nanaig ang isang bagay na mas malakas kaysa takot.
Pagmamahal.
Hindi na siya nag-aksaya ng oras.
Binitiwan niya ang baril na hindi man lang niya nagamit. Ang backpack at duffel bag ay mabilis niyang ibinagsak sa lupa. Lahat ng bigat at pasakit, pisikal man o emosyonal ay iniwan na niya.
Mabilis siyang tumakbo.
Diretso at hindi na lumingon pa.
Patungo kay Emilio.
At ilang segundo pa…
Isang malakas na putok ang umalingawngaw sa madilim na gabi.
Isa. Dalawa. Tatlo.
Sunod-sunod.
“Caloy…” mahinang wika ni Emilio, halos hindi makapaniwala, nang bigla siyang yakapin nito nang buong higpit.
Isang yakap na parang iyon na ang una at huli.
Isang yakap na parang gusto niyang ipaalala na nandito pa ako.
Hindi tumugon si Caloy dahil wala na siyang kailangang sabihin pa.
“Caloy…” nanginginig na ang kanyang boses, tila ba hindi makapaniwala.
Muling umalingawngaw ang sunod-sunod na pagputok ng baril.
At sa isang iglap, parehos silang bumagsak. Pumaibabaw ang katawan ni Caloy kay Emilio.
Sa gabing iyon, pareho silang nagtangis…
…hindi sa tinig, kundi sa katahimikan.
Ang kanilang mga luha. Ang kanilang mga pangako. Ang mga salitang hindi na nasabi.
Thank you for reading! Don’t forget to vote and share this story with your friends!
Kabanata 26
E M I L I O A T C A L O Y
March 1942, Unknown Forest, Philippines
Sa gitna ng madilim na kagubatan. Isang malamig at pamilyar na simoy ng hangin ang humahampas dito sa aking kinatatayuan.
Tila ba ako’y napunta sa dimensyon ng ilang taong panaginip na nagmumulto sa akin.
Tanging liwanag ng buwan ang nagsisilbing pag-asa para sa mga sundalong nagtatago at naghihintay ng sagot kung ipaglalaban pa.
Ngunit dito sa aking kinatatayuan, dalawang pamilyar na katawan ang nakahiga sa lupa ang tila wala ng pag-asa.
Si Emilio. At si Caloy.
Hindi ko maiwasang ilagak ang tingin sa kanilang dalawa.
Mula kanina pa ay ’di matapos-tapos ang pag-agos ng mga luha sa aking mata, dahil sa oras na ito ay alam kong dito na nagtatapos ang istorya nilang dalawa.
Ang halos ilang taong istorya na nagmumulto sa aking tuwing gabi, istorya na naging bangungot sa akin sa paghahanap ng kasagutan sa kanila, sa kung anong nangyari sa kanilang dalawa.
Pag tangis lamang ang aking tanging nagawa habang nakatingin sa kaawa-awang katawan ni Caloy.
Habang si Emilio, maingat at walang ingay na gumagalaw sa pagkakaibaw sa kanya ng walang buhay na si Caloy.
Saksi ko ang mabigat na emosyon na pilit pinipigilang ilabas ni Emilio. Emosyong pilit na kinikimkim ngunit unti-unti nang bumibitaw.
Maingat niyang inayos ang sarili, umupo sa malamig na lupa, at buong ingat na isinandal si Caloy sa kanyang bisig.
Para bang sa yakap na iyon, umaasa siyang babalik pa ang kasintahan niya.
“Ca…Caloy…” basag at pilit na pilit ang pagtangis ni Emilio.
Yumakap siya nang mas mahigpit, pilit na ginigising ang wala nang malay na katawan.
Parang bata na ayaw tanggapin ang katotohanan.
“Caloy…” muling pagtawag niya rito.
At doon.
Sa gitna ng gabi, kumawala ang pilit na kinikimkim na emosyon ni Emilio.
Bumuhos ang kanyang luha papunta sa katawan at mukha ng wala nang malay na si Caloy.
Kasabay noon, tila mas lalong rumagasa ang aking sariling mga luha, sapagkat ang aking nasasaksihan ay hindi na lamang pagkawala, hindi lamang pagtupad sa isang pangako, kung hindi isang pag-ibig na iniwan na lamang mag-isa.
“Mahal ko…” basag na pagtangis ni Emilio habang mahigpit niyang niyayakap si Caloy, na para bang kaya pa niyang pigilan ang oras.
“Caloy…” patuloy niyang paghihinagpis.
Patuloy ang kanyang pag-iyak, parang agos ng ilog ang mga luhang rumaragasa sa kanyang mga mata habang patuloy ang paghigpit ng kanyang yakap dito.
“Mahal ko…” atungal at hikbi niya at doon ay pilit na binigyan niya ng halik sa noo si Caloy.
“Emilio…” lumabas sa aking bibig habang patuloy ang pagtangis.
“…patawarin mo ako.”
2026, Mt. Nagchajan Viewpoint, Mayoyao, Ifugao
Dahan-dahang bumukas ang aking mga mata.
Sumalubong sa aking paningin ang hindi pamilyar na lugar ngunit sa maliwanag na sikat ng buwan ay doon makikita ang malawak na hagdan-hagdang palayan ng Mayoyao.
Doon ko na lang naramdaman ang aking pwesto. Nakaupo sa isang sementong upuan habang nakadantay ang aking ulo sa lalaking nasa aking kaliwang tabi.
Mabilis akong umayos ng upo at ibinaling ang tingin sa kanya, mata sa mata.
Walang galaw naman ang kanyang mukha na tanging seryoso at bigat ang mababasa mo sa emosyong ipinapakita niya.
At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, muling bumuhos ang luha sa aking mga mata.
“Emilio…” lumabas sa aking bibig.
Hindi siya nagulat sa pagtawag ko sa kanya, hindi siya umimik at hindi tumugon.
Dahilan para mabilis ko itong hagkan.
“Patawarin mo ako…” basag ang aking tinig habang mahigpit akong yumakap sa kanya, hinahayaan ang mga luha kong dumampi sa kanyang balikat.
Ramdam kong nagulat siya sa aking ginawa, isang saglit na paninigas sa kanyang katawan ngunit ilang segundo lang ay naramdaman ko rin ang tila malimit at maingat niyang pagtugon.
Sa kanyang bisig, ako’y lumuha.
Hindi dahil sa akin ang luhang ito, kung hindi sa kanilang dalawa.
Kila Emilio at Caloy.
At kung paano nagwakas ang kanilang kuwento.
Noong una ang inaasahan ko ay happy ending, ngunit gulat ko nalang na magiging ganito ang kahahantungan nilang dalawa.
“Patawarin mo ako…”
Sa madilim na gabi, kasabay ng mga huni ng mga insekto ay doon maririnig ang pagpipigil ng aking mga hikbi, tunog ng isang pusong pilit na tinatanggap ang katotohanan.
“Hahayaan kitang iiyak ang lahat, dahil tapos na,” mabagal at buo ang kanyang wika sa akin.
Paghikbi ang naging tugon ko sa kanya habang hinihigpitan ang pagkakakapit sa kanya.
“Hahayaan kitang gawin mo ’to sa akin…” dagdag niya.
Tahimik.
Muling hikbi ang naging tugon ko sa kanya.
Ilang sandali pa, nagbago ang tono ng kanyang tinig, mas naging seryoso at totoo.
“Pero gusto kong ipaalala sa’yo…” wika niya,
“…at kailangan mong tandaan…”
Saglit siyang huminto, tila pinipili ang bawat salita.
“…na hindi ako si Emilio.” “…at hindi rin ikaw si Caloy.”
Paglalahad niya.
Parang kutsilyong dahan-dahang bumaon ang bawat pangungusap.
“Iyon ay buhay at kuwento nilang dalawa sa nakaraan…” ang wika niya, “…at hindi natin ’yon kuwento. Hindi natin magiging kuwento dahil hindi tayo sila.”
Paghikbi ang aking nagawa dahil lahat ng sinasabi ng Bossing ay totoo. Walang kasinungalingan at tanging reyalidad lamang.
“Tayong dalawa ay hindi tadhanang ipinagtagpo…” ang wika niya. “Nandito kayo para sa isang pag-aaral. Habang ako ay nakaatas na alagaan at bantayan ang aming nasasakupan.” Lahad niya.
At sa gabing iyon, sa pagitan ng yakap at distansya ay doon ko tuluyang naunawaan na may mga kuwentong hindi sa atin isinulat, at may mga pag-ibig na hanggang alaala na lamang.
Dito na ako kumawala at dahan-dahang inayos ang aking sarili.
Pinahiran ang mga luha sa aking mata at doon tumungo sa pagkakaupo.
Ilang minutong katahimikan ang namutawi sa aming dalawa, habang pilit kong pinipigilan ang aking sarili mula sa dulot ng mataas na emosyong aking pinakawalan.
“Ang anino na sumusunod sa ’yo…” mahina niyang wika.
Napabaling ako ng tingin sa kanya, siya naman ngayo’y malayo ang tingin sa malawak na hagdan-hagdang palayan.
“Si Emilio…”
“…si Emilio ay isa lamang espiritu na hindi matahimik…”
“…isang Mambabahdi…” lahad nito sa akin, muli kong naalala ang ikinuwento ni Lolo Edgar tungkol sa iba’t-ibang espiritu dito sa Ifugao.
Ngunit isang katanungan ang gusto kong masagot ngayon at iyon ay kung bakit matagal na niya akong sinusundan?
At bakit ako?
“Isang posibilidad na may koneksyon ka sa pagkamatay nilang dalawa, maaring ang pamilya mo, o ang mga kadugo mo.” Tahimik akong nakinig sa inilahad niya.
“Hindi matatahimik ang isang mambabahdi hanggat hindi nalalaman ng isa ang kanilang istorya. Sa paraang ’yon ay maiibsan ang galit nila.”
Hindi man malinaw ang lahat, sapat na iyon para maunawaan ko ang kahulugan.
Tapos na.
“Ngayong tapos na at nasagot na ang mga tanong mo…” wika niya at doon siya tumayo sa pagkakaupo.
Nakabaling naman ang aking tingin sa kanyang likuran at inaantay ang kanyang sasabihin.
“…kung maaari sana ay ’wag mo na akong gambalain pa,” unang wika niya.
“Ituon mo nalang ang sarili sa pagtatapos ng pag-aaral niyo, nang sa gayon ay mabilis kayong makaalis dito.” Ang kanyang mga paalala.
Napangiti nalang ako ng mapait, kasabay noon ay dahan-dahan akong tumayo sa pagkakaupo.
Dito ko nakumpira na hindi niya talaga gusto ang presensya ko, kung sino man ang nakakaalam ng dahilan na iyon ay walang iba kung hindi siya.
Humarap ako sa kanya, siya naman ito’y nakagilid at malayo ang tingin sa harapan.
“Pasensya na po sa lahat, Bossing.” Pangunang paghingi ko ng pasensya, “Pasensya na po sa mga araw na hindi ko nailugar ang sarili ko,” dagdag ko.
Napangiti ako ng mapait, “Ngunit malaki po ang pasasalamat ko sa inyo dahil kayo ho ang nakasagot sa ilang taong mga tanong ko.” Pasasalamat ko sa kanya.
“Ngayon palang ho ay labis na ang aking pasasalamat dahil sa buong pusong pagpapatuloy niyo sa tahanan niyo.” Pasasalamat ko.
Humugot ako ng hinga bago muling nagsalita, “Tama po kayo na hindi ako si Caloy, at hindi kayo si Emilio. Pawang mga karakter lamang sila sa isip at panaginip ko.”
“Pasensya na po…” hindi siya tumutugon sa mga salitang sinasabi ko sa kanya.
At sa huling pagkakataon, naglakas-loob ako.
“Kung maari po sana…” “…sa mga nakaraang gabi, at ngayon ay kalimutan nalang po natin ang mga nangyari.”
“Dahil tapos na ang kanilang kuwento, hahayaan ko ho ang aking sarili na sila’y kalimutan na rin.” Ang aking huling sinabi bago humakbang papaalis sa aming kinatatayuan.
Sa hindi ko malamang dahilan ay muli na namang nag unahan ang luha sa aking mga mata.
At habang akoy humahakbang papalayo sa puwestong iyon ay doon na lang ako may naramdamang pamilyar na nakasuot sa aking kanang kamay.
Ngunit hindi ko na iyon pinansin dahil ang nais ko ngayon ay makaalis dito sa lugar na ito.
Kumusta naman ang pagtatapos ng istorya nila Emilio at Caloy?
Kabanata 27
D O K T O R
“Ang focus natin ngayong week ay livelihood, issues, at yung history ng lugar,” ang banggit ko sa kanilang dalawa.
Martes, alas-otso ng umaga rito sa Chaya.
Kami ngayon ay nasa hapagkainan kung saan umagahan ang nakahain sa aming harapan. Processed food ang ulam, hotdog na-miss nang kainin ni Amir, corned beef na may patatas at repolyo, at kape bilang pang-gising dahil magiging mahaba ang araw na ito.
“Are you sure you can work properly, Cali?” pag-aalalang tugon sa akin ni Ghon sa tabi ko.
Tumango naman ako sa kanya sabay patuloy sa pagkain.
“Puwede namang kami muna ni Ghon ang tumulong sa medical mission kung hin-”
“Kaya ko na,” pagputol ko kay Amir, “Nakapagpahinga na ako. Okay na ako.” Nakangiti kong tugon sa kanya sabay patuloy ulit sa pagkain.
Ibinaling kong muli ang tingin sa plato habang pinakikinggan ang mahihinang bulungan nilang dalawa sa harapan ko, tila hindi naniniwalang ayos na ako.
Ayos lang ako.
Kahapon ay buong araw akong nagpahinga, hindi lang katawan kung hindi buong pag-iisip at pagkatao.
Matapos ang kuwento nina Emilio at Caloy, ang tinik sa aking puso at isipan na matagal nang nakabaon ay para bang bigla na lang naglaho. Naglaho sa paraang hindi ko alam kung aking ginusto.
Nagwakas ang kanilang kuwento.
Tapos na.
Ngunit hindi ko malaman sa aking loob ay tila ba may puwang. Isang katahimikang hindi ganap na payapa, dahil sa kabila ng mga sagot sa lahat ng mga tanong ay may kulang.
Pilit kong iwinawaksi ang hinahanap ko.
“Bossing! Kain po!” “Kain, Bossing.”
Pagtawag nilang dalawa.
Dahan-dahan kong inangat ang aking ulo at ibinaling ang tingin sa kanya, nakatayo sa gilid namin.
Suot niya ang itim na longsleeve at itim na pants, sa kanyang dibdib ay nakasabit ang kwintas na may mga pangil.
Saglit na nagbanggan ang aming mga mata.
Isang kisapmata lamang.
Bago ko muling ibinaling ang tingin pabalik sa aking pagkain, na para bang wala akong nakita.
“Amir, Ghon,” banggit niya sa pangalan ng dalawa na para bang hindi nila ako kasama.
“Pagkatapos niyo, baba na kayo sa sentro para tumulong sa mga bubuhatin.” Dagdag niya.
“Copy, Bossing.” “Sige po, Bossing.”
Tugon nilang dalawa.
Muli ko namang inangat ang ulo ko.
Siya ngayon ay nakatalikod na, dahilan para humugot ako ng lakas ng loob at hininga.
Tumayo ako sa pagkakaupo
“Umagahan po, Bossing,” habol kong tawag. “Kain po muna kayo.”
Tumigil siya sa paghakbang.
Sa gilid ng aking paningin, ramdam kong nakatingin sina Amir at Ghon, naghihintay, nagtataka.
Ngunit ilang segundo ang itinagal bago siya sumagot.
“Bilisan niyo na,” tugon niya, hindi ito lumilingon, “Mahaba ang araw na ’to.”
At muli siyang naglakad papalayo.
Napatango na lang ako bago muling bumalik sa pagkakaupo.
Rinig kong muli ang bulungan ni Amir at Ghon sa kanilang nasaksihan.
Habang patuloy ako sa pagkain ay pilit ko na lang iniintindi ang nangyari.
Pilit ko namang iwinawaksi ang nangyari noong gabing iyon. Pilit bang kumikilos na parang hindi iyon nangyari, na walang nagwakas na istorya.
Pagpapanggap na ang lahat ay bumalik sa unang araw.
Kahapon ay hindi rin ako nakatakas sa mga tanong nina Amir at Ghon kung anong nangyari sa akin dahil na rin sa kanilang pag-aalala, ang tanging sinasagot ko na lamang ay naging maayos naman ang lahat ngunit alam kong ang impormasyon na yon ay hindi sapat para sa kanila.
Alam kong hindi niya gusto ang presensya ko. Ngunit hindi ko rin magawang kumilos sa paraang nais niya.
Mahirap makisama sa isang taong itinuturing kang parang hangin, nararamdaman, ngunit hindi pinapansin. Bilang respeto, at bilang pasasalamat sa pagpapatuloy niya sa amin, gusto kong magbigay ng higit pa kaysa sa pananahimik lamang.
“Are you sure you’re okay, Cali?” ang untag ni Ghon sa tabi ko.
Tumango naman ako, “Bilisan na natin para makababa na tayo,” tugon ko.
Mula kahapon hanggang ngayong umaga ay alam kong pansin nila ang pagbabago sa akin, ngunit pinipilit kong hindi ipahalata sa kanila.
Sa mga oras na ito, isang bagay ang gusto kong mangyari at iyon ay ang matapos na ang aming pag-aaral at makauwi na sa aming mga sariling tahanan.
“Where did you find your bracelet?” muling tanong ni Ghon.
Napatingin ako sa aking pulso. Sa pulseras na suot ko, isang bagay na hindi ko matandaan kung kailan at paano napunta sa akin.
Alas-onse na bago magtanghali nang tuluyan kaming makarating sa gitna ng sentro ng Barangay Chaya.
Abala ang lahat.
Sa gitna ng maluwag na espasyo ay sabay-sabay naming inaayos ang mga upuan at kagamitang gagamitin para sa medical mission.
Sa harapan, malapit sa kubong tinutuluyan ni Tita Lola, nakatayo ang mahabang lamesang natatakpan ng puting tela. May ilang gamit na roon, mga kahon, bote, at instrumento na nakahilera, maingat na inilatag, wari’y naghihintay ng mga kamay na gagamit sa kanila mamaya.
Sa tapat nito, isa-isa naming inaayos ang mga puting monoblock. Tuwid. Pantay. May pagitan.
Mataas na ang sikat ng haring araw, ngunit hindi ko nadarama ang init nito. Malamig ang klima at may mga ilang malakas na pag simoy ng hangin na bumabagay lang sa aking suot na puting t-shirt, black hanging pants at ang nakasuot na khaki fisherman hat bilang sangga sa sikat ng araw.
“Doctor Marel! Where should we put this?”
Boses ni Ghon.
Bitbit niya ang isang malaking asul na cooler habang dumadaan sa aking gilid. Hindi ako tumigil sa pag-aayos ng upuan, ngunit nasundan ng tingin ang kilos niya.
“Here,” tugon ng Doktora mula sa harapan na ngayon ay nakasuot na ng puting uniporme pang doktor, “Dito na lang sa lamesa.” Saglit siyang ngumiti, “Thank you so much for the help, Ghon.”
Tumango si Ghon bago muling humakbang palayo, pabalik sa mga gamit na patuloy nilang hinahakot.
Bigla siyang huminto sa aking harapan.
“Are you okay?” tanong niya, bahagyang yumuko para mas malinaw kong marinig.
Tumango ako. “Yes,” sagot ko, sabay bigay ng ngiti sa kanya.
“Good,” wika niya. “I’ll help you arrange the chairs after naming mabuhat yung mga gamit ni Doc.”
Tumango ako bilang tugon.
“Ghon, bilis!” sigaw ni Amir mula sa likuran.
“Coming!” sagot ni Ghon, bago niya ako muling nginitian at tumakbo papunta sa pinanggagalingan ng tawag.
Kitang-kita sa buong sentro ang bayanihan.
Mula sa matatanda hanggang sa mga bata, walang naiiwan. Ang mga kalalakihan ay tulong-tulong sa pagbubuhat ng mabibigat na kahon, mesa, at kagamitan. Sa gilid naman, kasama si Tita Lola, abala ang ilang kababaihan sa pagluluto para sa tanghalian.
Ang ilang bata ay kasama ko sa pag-aayos ng mga upuan.
Ngunit agaw pansin naman ang ilang mga taga rito kung saan nakasuot sila ng kanilang katutubong kasuotan habang hawak ang ilang mga instrumento na tila maya-maya lang ay sila’y sasayaw at sasalubong sa bisita.
Patuloy akong nag-aayos ng upuan, ngunit hindi mapigilan ng aking mga mata ang gumala sa paligid at tila may hinahanap.
At hindi na ako nagulat nang siya ang tumambad sa aking paningin.
Ang Bossing.
Nasa unahan siya, nakaupo, tahimik na pinapanood ang Doktora habang inaayos nito ang mga kagamitang gagamitin mamaya.
Napako ang aking tingin sa kanilang dalawa. Hindi maputol ang palitan nila ng ngiti at tawa, magaan, pamilyar na para bang ilang taon na silang hindi nagkikita.
Ilang sandali pa, nakita kong inabutan siya ng Doktora ng tinapay.
At mas lalo akong napakunot-noo nang kainin iyon ng Bossing agad-agad na tila walang pagtanggi.
“Akala ko ba ay hindi siya gutom?” hindi ko napigilang maibulong.
“Kuya, hindi po pantay yung ayos ng upuan niyo.”
Napapitlag ako sa tinis ng boses sa aking tabi. Isang bata ang nakatingin sa akin, bahagyang iritado, para bang kasalanan ko ang pagkasira ng kaayusan ng mundo.
“Ay….sorry, sorry,” mabilis kong tugon.
Inayos ko ang bangko, isang tulak pakaliwa, kaunting ayos paharap. Hindi na siya umimik at tahimik na ipinagpatuloy ang kanyang gawain.
Napabuntong-hininga ako.
Muli akong sumulyap sa unahan.
Nagulat ako nang makitang nakatingin sila sa akin, nakangiti ang Doktora. Napalaki pa ang aking mga mata nang kumaway siya, bilang pagbati.
Ang Bossing ay saglit na bumaling, seryoso ang mukha, bago muling ilihis ang tingin sa ibang direksyon.
Ngumiti na lang ako, mabilis, bago tuluyang iniwasan ang kanilang pwesto at ituon muli ang sarili sa gawain.
Ilang minuto pa ang lumipas, at natapos ko rin ang pag-aayos ng mga upuan.
Kasabay ng paglakas ng simoy ng hangin, muli kong iginala ang aking paningin na ngayon ay hinahanap sina Ghon at Amir.
Ngunit sa pagdami ng tao, galaw, at ingay ay hindi ko sila makita.
Ilang segundo pa, saka ko lang napansin na nilipad na pala papatalikod ang suot-suot kong sumbrero.
Hindi ko man lang namalayang hindi pala ito nakatali ng maayos sa aking ulo. Mabilis akong humarap patalikod, iniunat ang kamay upang saluhin iyon…
…ngunit huli na.
“Parang bagay sa akin ’to.”
Isang lalaki ang nakatayo ngayon sa harapan ko.
Malawak ang kanyang pagkakangiti habang suot ang aking sumbrero na bumagay sa suot niyang navy blue na scrub uniform, hindi maitatago na isa siyang doktor dahil nakasabit sa kanya ang stethoscope.
Malawak ang kanyang ngiti. ’Yung tipong hindi pilit na ngiti. ’Yung tipong sanay na sanay makuha ang atensyon ng mga tao.
Dahan-dahan niyang inalis ang sumbrero mula sa kanyang ulo.
At sa hindi ko maintindihang dahilan, para akong naestatwa nang marahan niyang isinuot muli iyon sa aking ulo at inaayos pa.
Napabaling ang aking tingin sa detalye ng kanyang mukha.
Maayos at maputi ang ngipin dahil sa kanyang pagkakangiti, agaw pansin ang biloy sa kanyang kanang pisngi, ang makapal niyang kilay, matangos na ilong at nangungusap na bilugang mata. Maayos rin ang pagkakahawi ng kanyang buhok.
“It’s really beautiful here in Ifugao,” ang makahulugang winika niya matapos na maipatong sa aking ulo ang sumbrero.
Napakapit ako sa gilid ng sumbrero, bahagyang yumuko dahil sa hiya.
“Are you a local here?” tanong niya.
Umiling ako. “Student from Manila. May thesis study kami rito sa Ifugao.”
Napangiti siya, tila mas lalo pang naging interesado. “Oh wow, nice. So your course is…”
“Anthropology,” mabilis kong dugtong.
Muli siyang ngumiti, parang may nabuo sa kanyang isip.
Inilahad niya ang kanang kamay.
“Sebastian,” pagpapakilala niya. “Baste na lang. Primary Care Physician from TOP Medical Center.”
Tumango naman ako at doon inabot ang kanyang kamay bilang pagbati.
“Cali,” pagpapakilala ko.
“Cali?” nakangiti niyang pagkumpirma.
Tumango naman ako.
“You have a beautiful name.” Tugon niya, hindi ako nakatugon, “Nice meeting you, Cali,” nakangiti niyang pagbati sa akin.
Wala akong ibang naging tugon kung hindi ngumiti na lang din sa kanya.
Bago pa siya makapagsalita ay may isang malakas at sinadyang pag-ubo sa aking likuran na parang biglang bumigat ang hangin.
Napaayos ako ng tayo at kusang gumilid.
Doon ko nakita ang Bossing na seryoso ang mukha, tuwid ang tindig. Sa kanan niya si Doktora Marel, at sa kaliwa naman si Lolo Edgar na may bitbit na isang tandang manok.
“Bossing. Si Baste,” masiglang wika ni Doktora Marel sa lalaking hindi ’ata napapagod kakangiti.
“It’s a pleasure to meet you, Bossing,” ang wika ni Sebastian bago niya inilahad ang kanyang kamay para makipagkilala.
Ngunit hindi iyon inabot ng Bossing.
Napaigtad naman ako ng seryosong bumaling siya sa akin.
“Samahan mo muna sila Amir,” utos niya. “Nag-aayos sila ng tanghalian.”
May kung anong higpit sa kanyang tinig, hindi galit, ngunit hindi rin maikakailang sumasabay sa malamig na simoy ng hangin.
Tumango agad ako. “Sige po, Bossing.”
Hindi na ako nag-atubili pa. Humakbang ako palayo, ramdam ang mga matang nakatutok sa aking likod.
“See you around, Cali!” habol ni Sebastian.
Hindi na ako lumingon.
Ilang hakbang pa, saka ko narinig ang unang pagtugtog ng mga instrumento.
Isa-isa, sumabay ang ritmo ng sayaw, hudyat ng pagsisimula ng ritwal para sa pagsalubong sa mga doktor.
Kabanata 28
B A S T E
“Hindi ho ba na mas magiging mahirap kung masisira naman ang pangkabuhayan niyo?”
Ang mahinahon kong wika sa may katandaang babae na kalapit ko rito sa pagkakaupo sa likurang bahagi ng kasalukuyang medical mission na nagaganap sa harapan.
“Eh anong magagawa namin? Kung hindi kami kikilos ay wala kaming kakainin.” Ramdam ko ang pagkairita sa kanyang tugon.
Seryoso na siyang nakabaling ng tingin na parang kanina lang ay magaan ang aming pagkukuwentuhan.
“Nasasabi mo ’yan dahil hindi mo pa nararanasan. Bata ka pa ’toy,” wika niya.
“Subukan mong ilugar ang mga paa mo sa mga paa namin, nang malaman mo kung gaano kahirap ang buhay,” dagdag pa niya bago ibaling ang tingin sa harapan.
“Hindi naman po sa ganoon Ka Lunsing…” turan ko at pilit na inuunawa ang lahat.
“…pagsasaka po ang kabuhayan niyo, lupa at tubig ang kailangan.” Lahad ko.
“Kung papayag po kayong sirain ang parte ng lupa na pinangagalingan ng irigasyon sa tubig, hindi ho ba na baka mas mahirapan kayo?”
Ikinuwento ni Ka Lunsing ang hirap ng buhay na matagal na niyang pasan, ang pagiging byuda, ang araw-araw na pakikipagbuno para lamang maitawid ang kanilang pangangailangan.
Ang kanyang anak, bata pa ngunit maaga nang nabuntis at walang asawa.
Ngayon, siya ang inaasahan, hindi lamang ng sariling anak, kundi pati ng apo na paparating pa lamang.
Tahimik akong nakinig sa kanya. Hanggang sa naikuwento niya ang isang bagay…
Naging ganoon ang tugon ko dahil nailahad niya sa akin na siya at ang kanyang anak ay pumirma. Pumirma sa petisyon para ituloy ang planong pagpapatayo ng resort sa tuktok ng lupaing ito.
Bawat pirma ay may katumbas na pera. Pera na pansamantalang makakapawi sa gutom, sa pangangailangan, at sa takot sa kinabukasan.
Ngunit habang pinakikinggan ko siya, may tanong na paulit-ulit na umuukit sa aking isipan.
Ang perang iyon ba ay tunay na sapat?
Sapat ba itong ipalit sa lupaing nagbibigay-buhay sa kanila? Sa kabuhayang mismong sila rin ang sisira.
Ngunit sa oras na ito ay pilit ko na lang na iniintindi ang kanyang sitwasyon.
“Mama.”
Ang pagtawag ng isang dalaga na ngayon ay may dinadala ang pumutol sa aming katahimikan. Nakatayo siya ngayon sa aming harapan, ang anak. Sa kanyang mga mata ay may halong pag-aalala at pagmamadali.
“O, umali kami’n,” wika niya kay Ka Lunsing.
Hindi ko man naintindihan ngunit alam kong nagyayaya na ito paalis.
Saglit na bumaling sa akin ang matanda. Walang ngiti sa kanyang mukha, seryoso ito.
“Mauna na ako sa ’yo,” seryoso niyang wika.
Wala nang pag-aalinlangan pa, tumayo siya, inayos ang sarili, at tahimik na humakbang palayo.
Pinanood ko silang mag-ina habang unti-unti silang nilalamon ng distansya.
Pilit ko nalang iniintindi si Ka Lunsing, dahil isa siyang ina na walang ibang pagpipilian kung hindi ang kumapit sa anumang iniaabot ng mundo, kahit kapalit nito ay ang unti-unting pagguho ng kanilang sariling pinanggagalingan.
Naiwan akong mag-isa rito sa likurang bahagi ng aming kinauupuan.
Sa unahan, buhay na buhay ang sentro. Patuloy ang medical mission na pinangungunahan ng limang doktor, kabilang sina Doktora Marel at Doktor Baste.
Isa-isang tinatanggap ang mga taga-rito, tulad ng mga batang maagang nagdalang-tao, mga matatanda, mga katawang sanay nang tiisin ang sakit bago pa humingi ng tulong.
Kami nina Ghon at Amir ay patuloy na humihikayat, maingat, hindi mapilit. Ipinapaliwanag na hindi kasalanan ang magpatingin sa doktor, na ang ginagawa ng mga doktor ay sinusuportahan din ng mga mumbaki.
May mga ilan na na ayaw talaga nila, dahil gusto nila’y sa mumbaki magpapatingin at magpapagaling, sa ritwal at mga dasal sila naniniwala, kaya hindi na namin sila pinipilit pa, pagbibigay na lang din ng respeto sa kanilang paniniwala.
Sa patuloy kong pakikipagusap at pag-oobserba, pansin na pansin ko na ang ilang mga issue dito sa kanilang lugar na swak para sa timeline ng aming pag-aaral.
Mga kabataang tumigil sa pag-aaral dahil kailangang magtrabaho, hindi dahil ayaw nila sa pangarap, kundi dahil gutom ang mas malakas tumawag.
Mga dalagang nabubuntis ng maaga, bunga ng kakulangan sa edukasyon at gabay.
Mga inang hindi alam ang konsepto ng family planning, mayayakap ng maraming anak ngunit kapos ang kakayahang buhayin ang mga ito.
At ang mainit-init na usapin ng resort, isang proyektong nangangakong kabuhayan kapalit ng lupang matagal na nilang pinangangalagaan.
Pilit kong iniintindi na sa kabila pala ng mayaman nilang kultura at kabutihan ng mga taga rito, may itinatago rin silang mga problema at issue na nagiging bahagi na lang din ng normal na araw ng kanilang pamumuhay.
Alas-kwatro ng hapon sa sentro ng Barangay Chaya, Mayoyao Ifugao.
Matapos ang halos maghapong kaliwa’t kanang ingay at pagkaabala dulot ng isinagawang medical mission, unti-unti nang humuhupa ang gulo sa paligid hudyat na tapos na ang unang araw ng kanilang trabaho.
Ang ilang doktor ay kasalukuyang nagliligpit ng mga gamit, ang iba nama’y nakaupo sa lilim, kumakain at nagmimiryenda kasama ang mga taga-rito. Walang titulo, walang pagitan, pantay-pantay lamang na nakikisalo sa sandaling pahinga.
Sa paligid ng sentro, patuloy ang pagpapapawis nina Ghon at Amir habang nakikipaglaro ng basketball sa mga kabataang Ifugao.
Sa kabilang banda naman, si Cali ay nakikipaghabulan sa mga bata sa laro ng tumbang preso. Hindi mapawi ang tawanan, sigawan, at tuwa na tila ba panandaliang nakalimutan ng lahat ang bigat ng araw.
Malawak ang sentro, at sa lawak nito ay kasabay na kumakalat ang kasiyahan.
“Thank you so much, Bossing,” wika ni Doktora Marel na ngayon ay prenteng nakaupo sa isang bangko.
Katabi niya sa kaliwa si Bossing, tahimik ding nakaupo at nakamasid sa paligid.
“Salamat sa pagtulong sa pag-kausap sa kanila na ’wag sayangin ang opportunity para ma-check up ang kanilang health and well being.” Nakangiting lahad ni Doktora Marel.
Tumango lang Bossing bilang tugon.
“Mahal ko ang trabaho ko,” pagpapatuloy ni Doktora Marel, bahagyang humina ang boses.
“Mahal ko ang mga taga-rito. I grew up here, and I want to give back by means of service sa kanila na kahit isa o dalawang beses sa isang buwan, pupuntahan ko talaga sila.”
“Kaya noong naisipan kong magkaroon ng medical mission para mas malawak at madami ang aming matulungan…” wika niya at ngumiti, “…nahihiya man ay naglakas loob na akong humingi ng tulong sa inyo para sa mga taga-rito.”
“Kaya sobrang thank you, Bossing.” Punong-puno ng galak ng pasasalamat si Doktora Marel.
Muling tumango si Bossing, “Kailangan mo ng tulong ko, kailangan nila ng tulong…at yun ang trabaho ng isang mumbaki.” Pangunang wika ng Bossing, “Ang tumulong sa mga nangangailangan.”
Lumawak ang ngiti ni Doktora Marel, tila mas luminaw ang kanyang mga mata.
“Sabihin niyo lang po sa akin Bossing kung anong maitutulong ko sa inyo…” nakangiti at tila may kilig sa wika ni Doktora Marel, “Ibibigay ko po ang makakaya ko.”
“Doc.”
Napalingon si Doktora Marel sa boses ni Sebastian, si Baste na ngayo’y lumapit sa kanila habang may hawak na bote ng tubig. Bahagyang pawisan, ngunit hindi nawawala ang pilyong ngiti sa labi.
“Yes, Baste?” tugon ni Doktora Marel, “Pagod ka na? Day one palang, may bukas pa tayo.” Tila paghahamon niya rito.
“Ako, Doc? Mapapagod?” sagot ni Baste, mayabang ang tono. “Hindi ko ’yata alam ang salitang pagod.”
Napatawa lamang ang dalawa.
Nakangiting umiling si Doktora Marel, “Anong kailangan natin Baste?” pagtatanong nito.
Si Baste naman ay saglit na ibinaling ang tingin likuran kung saan nandoon si Cali kasama ang mga batang naglalaro ng tumbang preso, ngumiti si Baste na tila abot hanggang langit bago siya muling bumaling ng tingin kay Doktora Marel.
“’Wag mo na akong ngitian, Baste. Kilala na kita.” Tila basang-basa na ni Doktora Marel si Baste.
“Doc naman…” nahihiya turan ni Baste at napakamot pa ito sa kanyang batok.
“Sige na, makipaglaro ka na,” tila pagsuko ni Doktora Marel, “Makipaglaro ha, hindi kung ano-ano, kilala kita.”
Tumango si Baste, nakangiting parang batang pinayagan. “Thank you, Doc.”
Bumaling ito ng tingin kay Bossing na seryoso lang na nakatingin.
“Bossing,” wika ni Baste, may halong biro, “…una po muna ako. Pakialagaan po ng mabuti si Doc.”
Hindi na niya hinintay ang tugon. Mabilis siyang tumakbo papunta sa kinaroroonan ni Cali na patuloy ang tawa, patuloy ang laro, tila walang bahid ng pagod.
“Junior ko si Baste. Kakapasa lang sa board matapos ring gumaraduate sa residency.” Ang wika ni Marel.
Silang dalawa ngayon ni Bossing ay nakatingin sa kinaroroonan nila Cali at Baste na ngayon ay parehas nang nakikipaglaro sa mga bata.
“Magaling na bata si Baste,” dagdag ni Doktora Marel, may ngiti. “Makulit nga lang.” Bumaling si Bossing sa kanya, bahagyang kumunot ang noo bago nagsalita.
“Ikaw rin naman, Marel,” mababang wika niya. “Makulit ka pa rin.”
“Bossing?” mas lumawak ang ngiti ni Doktora Marel, tila nagulat at natuwa.
“Naalala ko noong isinama ako ni Amir sa inyo para makipaglaro…” pagpapatuloy niya. “…hindi mo ako pinapansin noon. Akala ko talaga, ayaw mo sa akin.”
Hindi tumugon si Bossing.
Muling napako ang tingin niya sa pwesto nila Cali at Baste na patuloy ang pakikipaglaro sa mga bata.
Kitang-kita ang saya ng mga bata sa paglalaro, ngunit agaw pansin sa kanya ang malawak na ngiti ni Cali na tila ngayon niya lang ito nakita.
Si Baste naman ay patuloy ang pag-asinta at pagbato sa latang nasa harapan gamit ang tsinelas, ngunit ito’y sumasablay ng tira.
“Hindi naman marunong maglaro,” mahinang sambit ni Bossing.
“Ano po, Bossing?” tanong ni Doktora Marel.
“Ha?” bahagyang napalingon si Bossing, saka agad umiwas ng tingin.
“Ah… wala.”
Kabanata 29
N A G C H A J AN
Alas-diyes na ng gabi. Gaya ng aking inaasahan, unti-unti nang kinakain ng lamig ang aming mga katawan dito sa loob ng kubo na tanging ang mahinang liwanag ng lampara ang nagsisilbing ilaw sa madilim na gabi.
Komportable na ang aking pagkakahiga.
Paulit-ulit kong nilalaro at hinahaplos ang bracelet na suot ko sa kanang pulso habang diretso ang aking titig sa kisame, hinahayaan ang antok na unti-unting dumalaw matapos ang maghapong trabaho at pagod.
“What are you watching?” rinig kong mahinang tanong ni Ghon kay Amir na nakahiga rin.
Nakatagilid si Amir sa kanya, tutok ang mga mata sa cellphone na hawak.
“Is that anime? Pokemon?” usisa pa ni Ghon habang pilit na sumisilip.
“Oo!” inis na tugon ni Amir. “Doon ka na! Matulog ka na!” sabay siko rito.
“Can I watch too?” pangungulit pa ni Ghon.
“Wala ka bang cellphone?”
“My phone is dead, panood na please.”
“Tigilan mo nga, matulog ka na.”
“Please.”
“Ayoko.”
Nagpatuloy ang kulitan ng dalawa sa madilim na gabi hanggang sa biglang patayin ni Amir ang cellphone at nagtalukbong, tuluyang nagtago sa ilalim ng kumot.
Rinig ko ang malalim na buntong hininga ni Ghon, hudyat ng pagsuko nito sa kanilang kulitan.
Napangiti na lamang ako sa kanila. Kapansin-pansin kung paanong mas naging malapit silang dalawa sa isa’t isa, malayong-malayo sa unang araw na halos magtalo pa dahil ayaw nilang magkatabi sa pagtulog.
Ilang minutong katahimikan ang muling bumalot sa kinahihigaan namin bago muling nagsalita si Ghon.
“Cali,” marahang tawag nito sa akin. “Are you awake?”
“Bakit?” tugon ko, halos nakapikit na sa antok.
“Are you tired?” tanong niya.
“Medyo,” sagot ko. “Masakit lang tuhod ko.”
“Me too,” sabi niya. “But I enjoyed helping them,” dagdag pa nito.
Muling kinain ng katahimikan ang ilang minuto.
Nakapikit na ang aking mga mata, dinadalaw na ng antok, habang tahimik na pinapakinggan ang mga kuliglig ng insekto sa labas at ilang paghampas ng simoy ng hangin dito sa kubo.
“Cali, can I ask you a question?” muli siyang nagsalita.
“Ano ’yon?” tugon ko.
Ilang segundo pa ang lumipas bago siya muling nagpatuloy.
“I mean… I’m intrigued with your dreams,” wika niya.
Nakapikit pa rin ako habang pinakikinggan ang bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig.
“From your story yesterday,” panimula niya, “We know the fact that Bossing knows who Emilio and Caloy are. I mean, he is a mumbaki, he can see things that we can’t.”
Tahimik lang akong nakinig.
“He knows that in your past life, Caloy resonates with you, and Emilio resonates with him,” pagpapatuloy niya, “And maybe the reason why Bossing acts like that with you is because he is somehow affected by what happened to Caloy…”
“…and we know that he’s just gaslighting you into believing that he’s not affected, even though fate already made a way for you to meet once again.”
“Alam mo, naguguluhan na ako sa ’yo,” singit ni Amir. “Saan ka ba talaga papunta? Ginugulo mo si Cali.”
“I’m looking at it from a different perspective, Amir,” mahinahong sagot ni Ghon. Hindi na muling tumugon si Amir.
“Back to our story,” pagpapatuloy ni Ghon, “We have two reasons why Bossing acts like that with you.”
“First, he is affected by the story of Caloy and Emilio. And second, which is the reality…he is a mumbaki.”
Nanatili akong tahimik.
“Now my question is…” untag niya.
“Why you?”
“Sabi niya may koneksyon daw ako sa nangyari sa kanila,” naguguluhan ngunit marahan kong sagot.
“Connection?” pagtataka ni Ghon.
Tulad niya, nagtataka rin ako. Hindi ko alam kung bakit ako. Hindi ko alam kung bakit may koneksyon ako sa kanila. Ang tanging malinaw sa akin noong una ay mga sigaw, mga boses na tila nasa gitna sila ng digmaan.
Noon pa man ay may hinala na akong mga sundalo sila, dahil sa aninong matagal na sumunod sa akin.
Hanggang sa dumating kami sa Cordillera, na tila naging daan para mas maunawaan ko ang mga panaginip ko.
“Ang mahalaga ay tapos na,” wika ko sa wakas, halos pagsuko. “Ayoko nang isipin pa. Tapos na ang istorya nila.”
“Why?” tanong ni Ghon.
Huminga ako ng malalim.
“Ginugulo ko lang ang Bossing,” mahinahon kong sagot. “Nadadamay siya sa mga iniisip ko. Ginugulo ko ang tahimik niyang buhay.”
“I want to give him respect,” dagdag ko. “At para magawa ’yon, hindi ko na siya guguluhin pa ng mga tanong.”
“Hindi ba magiging mahirap ’yon, Cali?” tanong ni Amir. “Hindi mo alam kung bakit ikaw ang minulto ng kuwento nila.”
Umiling ako.
“Ayoko na ring malaman pa,” sagot ko. “May mga bagay na dapat inuuna.”
“I respect your decision, Cali,” wika ni Ghon. “But remember, when the time is right, you can always find the answer. Imagine, when our feet first stepped here in Mayoyao, destiny already guided you toward the question you’ve been seeking for years.”
Huminga ako ng malalim.
“We still have plenty of time here in Mayoyao. We still need to learn more,” dagdag pa niya. “And maybe…you’ll find the answer later on.”
“For now,” mahina niyang wika, “let’s sleep.”
Alas-syete na ng umaga dito sa Chaya.
Sa paligid ay maririnig na ang sunod-sunod na tilaok ng manok, na tila alarm clock sa natutulog na si Amir at Ghon.
Kalalabas ko lang ng kubo at sumalubong na agad sa aking paningin ang malawak na hagdang-hagdang palayan na ngayon ay natatakluban ng tila bumababang ulap mula sa itaas.
Ang haring araw naman ay nagsisimula nang sumikat, hindi pa nakapapaso ang sinag nito sa balat.
Matapos kong mag-unat ng katawan ay humakbang ako patungo sa kulungan ng mga manok upang kumuha ng mga itlog.
Habang naglalakad ay saglit akong natigilan sa harapan ng isang kubo kung saan doon lumabas sa pintuan ang Bossing na tila kagigising lang din. Suot nito’y asul na t-shirt at itim na pants.
Ibinaling niya sa akin ang seryoso niyang mukha, walang bahid ng gulat, walang anumang reaksyon.
Binigyan ko nalang ito ng isang maliit na ngiti bilang pagbati bago ko itinuloy ang paghakbang patungo sa kulungan ng mga manok para kumuha ng itlog bilang aming pang-umagahan ngayon.
Habang isinisilid ko ang mga itlog sa aking puting t-shirt na ginawa kong pansambot, muling pumasok sa aking isipan ang mga naging usapan namin ni Ghon kagabi.
May bahagi rin sa aking isipan na nagtatanong kung bakit nga ba ako ang dinalaw ng mga panaginip na iyon, at tulad nga ng sinabi ng Bossing na nakadagdag sa aking isipin ay may koneksyon ako sa nangyari kila Emilio at Caloy.
Ngunit sa kabilang banda, gusto ko na lamang munang iwaksi dahil tapos na.
Nahihiya na rin ako kay Bossing dahil nga ito’y nagugulo ko dahilan para hindi rin maging komportable sa aking presensya.
“Kaya ko ’to,” mahina kong sambit bago matapos makuha ang mga itlog.
Binaybay ko na ang daan papunta sa kusina, ’di na ako nagulat na nandoon ang Bossing na ngayon ay nakatayo sa may lutuan at tila iniintay ang pagkulo ng tubig sa nakasalang na takore sa de-kahoy na lutuan.
Tumabi ako sa kanyang kaliwa, dahan-dahang inaalis ang mga itlog na bitbit sa loob ng aking damit. Napansin kong nakatuon ang kanyang tingin sa aking ginagawa, tahimik ngunit mapanuri.
Matapos iyon, lumipat ako sa kanyang gilid upang kumuha ng baso. Naramdaman ko na ang uhaw. Hindi ko siya tinitingnan.
“’Wag na.”
Napapitlag ako sa bigla niyang pagsasalita.
Napabaling naman ako ng tingin sa kanya habang hawak ang tasa, “Bossing?” taka kong tugon.
“Sabi ko ’wag na,” seryosong wika niya. Diretso ang tingin sa akin, mata sa mata.
“Ano pong ’wag na?” pagtataka kong wika.
Umiling siya, “’Wag mo na akong pagtimpla ng kape. Kaya ko na.”
Napalunok ako sa kanyang sinabi.
Naglakas-loob akong sumagot, “Hindi po ako magtitimpla ng kape. Iinom po ako.”
Hindi siya umimik.
’Di ko na siya hinintay pang sumagot at binigyan ko na lamang siya ng pilit na ngiti bago ko siya talikuran at humarap sa lamesa kung saan nakapatong ang pitsel.
Habang nagsasalin ako ng tubig sa baso, ramdam kong nakasunod pa rin sa akin ang kanyang tingin. At doon, kusang pumasok sa isip ko ang tanong… akala ba niya’y ipagtitimpla ko siya ng kape?
Hindi ko mawari, ngunit isang bahagyang ngiti ang sumilay sa aking mga labi.
“Bossing!”
Isang pamilyar na boses ang umalingawngaw sa gilid.
Napatingin ako rito.
Si Doktora Marel kasama sa likuran si Baste na may bitbit na bayong.
“Cali,” masiglang bati ni Baste at kumaway pa ito.
Ngumiti ako bilang tugon.
Sabay silang lumapit sa pwesto namin, inilapag ni Baste ang bayong sa lamesa bago siya muling nagwika.
“Good morning po, Bossing,” pagbati niya sa lalaking nasa likod ko, “Good morning, Cali,” nakangiti niyang baling sa akin.
Ngumiti ako sa kanya bilang tugon.
“I’m sorry, Bossing, kung maaga,” wika ni Doktora Marel. “Nagpadala kasi ng umagahan si Tiyo Makmak. Si Tita Lola rin, may ibinigay na pikaw para sa ulam.”
“Kila Tiyo Makmak kami nakikituloy,” pagpapatuloy niya. “Nandoon pa sila ngayon, nag-aalmusal. Dinagdagan na rin niya itong padala para dito na rin kami kumain…”
Saglit siyang tumingin kay Baste, may pilyong ngiti sa labi. “…at kasalanan ito ng isa diyan.”
“Doc naman,” natatawang protesta ni Baste. “Hindi lang po ako ang may gusto na pumunta dito.”
Bumaling ng tingin sa akin si Doktora Marel. Nginitian niya ako dahilan para mas makita ko ng malapitan kung gaano ka-inosente at ka-ganda ang kanyang itsura.
Ngumiti na lang din ako bilang tugon.
“How’s your study so far, Cali?” pasumalang wika niya.
“Okay naman po,” matipid kong tugon.
Ngumiti siya, “Sabi ni Tita Lola ay pupunta kayo ngayon sa Nagchajan Viewpoint?” tanong niya.
Tumango ako, “Opo.”
Mas lumawak ang ngiti ni Doktora Marel, “Kung gusto niyo…” saglit siyang bumaling ng tingin kay Baste.
“Isama niyo si Baste.” Wika niya.
Napakurap ako. “Po?”
“Isama niyo si Baste sa pupuntahan niyo. Para makagala rin siya.” Nakangiting tugon nito sa akin.
Saglit akong tumingin kay Baste. Kita sa mukha niya ang pagkagulat na mabilis ding napalitan ng tuwa.
“’Wag kang mag-alala,” biro ni Doktora Marel. “Hindi kita isusumbong kay Doc Mike. At hindi na rin ganoon karami ang pasyente ngayon sa sentro.”
“Okay lang po ba talaga, Doc?” ang wika ni Baste na halatang nagpipigil ng ngiti.
Nakangiting tumango sa kanya si Doktora Marel, “No worries. Pati nandito ka na lang din, sumama ka na kila Cali para makita mo ang ganda ng Mayoyao.”
“Thank you, Doc.” Tila galak na galak naman si Baste.
Bumaling ako ng tingin sa kanya, kitang-kita sa kanyang mukha ang tila galak at tuwa ng isang batang pinayagang sumama sa tour. Nagtaas baba ang kilay nito sa akin.
Nginitian ko nalang siya bilang tugon.
“Gisingin mo na sila Ghon at Amir.”
Napalingon ako, nakalimutan kong nasa likuran ko pala ang Bossing. Tahimik siyang nakatayo, seryoso ang mukha, ngunit ang mga mata’y may kung anong hindi mabasa.
“Sabihin mo’y kakain na,” dagdag niya.
Tumango ako.
Hindi na ako nag-aksaya ng oras. Tahimik akong tumalikod at tinahak ang daan pabalik sa kubo.
Kabanata 30
Y A M A S H I T A
Mt. Nagchajan Viewpoint, Mayoyao, Ifugao
“Who is that soldier?”
Ang tanong ni Ghon ang unang bumasag sa katahimikan habang itinuturo niya ang estatwa ng isang sundalo na nakatindig sa gitna ng limang monumentong nagsisilbing historical marker ng Nagchajan Viewpoint.
Makalaglag panga ang ganda ng paikot na view deck, makikita mo ang mas malawak na palayan ng iba’t-ibang barangay ng Mayoyao. Ang tingkad ng kulay berde na hindi nakakasawang pagmasdan, pinalilibutan din ang paligid ng mas mayayabong na bundok na mas nanaisin mong makita araw-araw.
Isabay pa ang mas malamig at mas malakas na simoy ng hangin ay tiyak na baka hindi mo gustuhin na umuwi pa.
Sa gitna ng tirik na araw na hindi naman nakapapaso sa balat, kami ngayon ay humahakbang na papalapit sa sundalong estatwa na nakatayo rito sa view deck.
“Sa totoo lang ay hindi ako sigurado,” ang tugon ni Tiyo Makmak na kasama namin.
Siya ang naghatid sa amin dito gamit ang kanyang owner type jeep na sasakayan.
“Pero sabi nila,” habol nito habang siya’y nasa unahan namin. “Siya raw ay isang amerikanong sundalo. Si Donald Blackburn.”
Tumigil kami sa harapan ng estatwa.
“He actually looks like an American,” bulong ni Ghon sa tabi ko. Katabi niya si Amir, habang si Baste naman ay nasa kaliwa ko.
Lahat kami’y nakatingala habang tinitingnan ang sundalong nakasuot ng uniporme, hawak ang mahabang baril, nakapako ang tingin sa kawalan.
“Siya yung namuno at naging leader sa pinaghalong sundalong Amerikano at mga gerilya na laban sa mga hapon,” ang lahad ni Tiyo Makmak.
Sabay-sabay kaming napatango, tila ba isang pagbibigay ng pagkilala.
Muli kaming humakbang, papunta sa hanay ng mga batong may ukit.
“Ang Labanan sa Mayoyao,” mahinang binasa ni Baste ang nakaukit sa bato.
“Dito naganap…” dugtong ni Tiyo Makmak, “…ang pagkakaisa ng mga gerilya at sundalong Amerikano laban sa mga Hapon. Isang malaking labanan bago tuluyang magwakas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.”
“World War Two…” ang singit ni Baste, “I actually don’t have deep knowledge about the war, ang alam ko lang ay sinakop tayo ng Japan for three years,” wika nito.
“But what’s the name of the Japanese commander, again?” bumaling siya ng tingin sa akin.
“General Tomoyuki Yamashita.” Tugon ko sa kanya, hindi inaalis ang tingin sa nakaukit sa bato.
“Sabi ng anak ko,” muling nagwika si Tiyo Makmak, “Si Yamashita daw ang kumander ng lahat ng puwersa ng mga Hapon sa Pilipinas.” Wika niya. “Noong panahong lumalakas na ang pwersa ng mga Amerikano at Gerilya, napadpad si Yamashita dito sa Ifugao.”
“It says here…” pagturo ni Ghon sa nakaukit sa bato, “The war happened on July twenty-five nineteen forty-five up until August seven nineteen forty-five,” ang pagbasa niya.
Bumaling siya ng tingin sa amin, “So almost a month din ang tagal nung laban.”
Tumango si Tiyo Makmak, “Ito yung huling laban bago sumuko si General Yamashita…” Bahagya siyang ngumiti.
“…natapos at nabawi ang Mayoyao sa mga Hapon, noong August nine.”
Saglit na katahimikan ang bumalot sa amin.
“Kaya tuwing August eight hanggang nine ay ipinagdiriwang namin ang Lenong Festival, pagpupugay sa araw ng kalayaan ng Mayoyao sa mga Hapon.”
Habang nakatayo kami roon, sa pagitan ng hangin, bundok, at kasaysayan, may pakiramdam na ang lupang tinatapakan namin ay hindi lang tanawin, isa itong alaala.
At tulad ng mga estatwang nakatindig sa harap namin, may mga kuwento ring patuloy na nakabantay, naghihintay lamang na muling maalala.
Dahan-dahan akong bumaling ng tingin sa likuran.
Doon, sa gilid ng tanawin, naroon ang isang upuang bato.
Pamilyar. Masyadong pamilyar.
Madilim man noong oras na iyon, ngunit malinaw pa rin sa aking alaala na doon ako muling nagkaroon ng malay matapos ang kuwento nina Emilio at Caloy.
Doon ang lugar kung saan sinabi ng Bossing na may koneksyon ako sa nangyari sa kanilang dalawa, dahilan para ako ang makasaksi ng istorya nina Emilio at Caloy.
Hindi naman mawala sa isipan ko na maglaro sa posibilidad sa tsansang ang lugar kung saan napadpad sina Emilio at Caloy noong panahon ng digmaan ay hindi nalalayo rito sa Ifugao.
“Dito naman ay nakaukit ang mga pangalan ng mga gerilya at Amerikanong sundalo na lumaban noon,” patuloy ni Tiyo Makmak.
“Are you okay?” untag ni Baste sa tabi ko, bumaling rin siya sa likuran na wari’y sinisipat ang tinitinginan ko.
Bumaling ako sa kanya at ngumiti.
“I’m okay,” tugon ko.
Ngunit sa loob ko, may isang tanong muli ang gumigising na pilit ito’y iwinawaksi.
“Merienda muna tayo,” tanging nasambit ni Amir.
—
“Mahirap bang maging anthropology major?” ang untag sa akin ni Baste sa kaliwa ko.
Nakaupo kami sa hagdanan dito sa gilid ng gazebo na gawa sa semento at yero, saglit na lumililom kasabay ng pagkain ng hawak naming cookies & cream ice cream na nasa maliit na cup.
Sa harapan namin ay makikita pa rin ang ganda ng paraiso ng Ifugao, sa paligid ng viewing deck ay may mga ilang lokal, turista at ilang mga tindera na bitbit ang kanilang itinitinda.
Si Amir at Ghon naman ay patuloy ang kani-kanilang pagkuha ng picture at bidyo sa bawat monumento, habang si Tiyo Makmak ay saglit na umalis.
“Parte naman ng journey natin ang mahirapan,” tugon ko sa tanong niya. “Ikaw. Tulad mo, bago ka naging doktor ay tiyak na hirap din ang pinagdaanan mo.”
Napatango siya, “Anthopology student ka nga.”
Napangiti ako, tugon sa maikling biro.
“Kailan pa kayo dito sa Mayoyao?” untag niya, patuloy kaming nakabaling sa harapan habang inuubos ang ice cream.
“Last-last week,” matipid kong sagot.
“Hanggang kailan kayo?”
“Hanggang katapusan.” Saglit kong sinulyapan sina Amir at Ghon na tila nagbabangayan na naman sa harap, dahilan para mapangiti ako.
“Kayo?” tanong ko nang bumaling ako kay Baste. “Hanggang kailan kayo dito?”
Tinapos muna niya ang subo bago sumagot. “Actually, hanggang bukas na lang kami nila Doc.”
Tumango ako.
“Hindi ko lang sigurado si Doc Marel,” dagdag niya. “Parang balak pa niyang salubungin yung festival next month.”
“Speaking of the festival,” sabi niya matapos ang ilang segundo, “Sabi ni Doc may carnival daw at show sa night market.”
“Meron,” tugon ko.
“I wonder if we can go there tonight?” ang nakangiti at nagpapahiwatig niyang wika, “Kasama sila Ghon at Amir,” habol niya.
“Pwede naman,” tanging nasambit ko dahilan para lumawak ang kanyang ngiti sa labi.
“Bago kami umuwi tomorrow morning,” wika niya. “At least na sulit ko yung time dito sa Ifugao,” nakangiti niyang wika bago ipinagpatuloy ang pagkain niya ng ice cream.
Muli naman akong bumaling ng tingin sa harapan at muling sumubo ng ice cream, si Ghon at Amir ngayon ay papunta na dito sa aming pwesto.
“Cali.”
Pagbaling ko kay Baste ay doon ako natigilan.
“Ang kalat mo kumain,” sabi niya nang marahan, sabay dampi ng panyo sa aking labi, pababa sa aking baba, maingat at halos sandali lang.
Parang saglit na huminto ang paligid.
“Okay na,” wika niya bago tumayo para salubungin sina Amir at Ghon na ngayo’y nasa harap na namin.
“Cali?” ang tawag ni Ghon, may pagtataka sa kanyang tinig dahil alam kong nakita niya ang nangyari.
Bumaling ako ng tingin sa kanya.
“Are you okay?” tanong niya, sabay lahad ng kanyang kanang kamay.
Tumango ako at inabot iyon upang tumayo.
“Let’s go sa night market later,” nakangiting pag-aya ni Baste kay Ghon at Amir.
Nagtinginan naman ang dalawa bago sabay na tumango.
“Ano? Tara?” napatingin naman kami kay Tiyo Makmak na ngayon ay nasa gilid na namin, “Pupunta ba kayo sa peryaan mamaya?”
“Opo,” tugon ni Baste.
“Kung ganoon, pwede ko namang ipahiram sa inyo ang sasakyan,” alok ni Tiyo Makmak, “Maganda mamayang pumunta doon kasi may concert at sayawan.”
“I’ll drive po,” agad na wika ni Baste. “Marunong akong magmaneho, Tiyo Makmak.”
“I can drive too,” singit ni Ghon.
“Marunong din ako,” sabay untag ni Amir.
Napatingin na lang ako sa kanilang tatlo, tila ba nagyayabangan kung sino sa kanila ang magaling magmaneho ng sasakyan.
Ngunit hindi ko pa napoproseso ang lahat ay doon kami nakarinig ng isang sigaw sa gilid.
“Hindi ako pipirma!”
“Hindi naman ako taga dito!”
Parang may biglang umihip sa ingay ng paligid.
Sabay-sabay kaming napalingon.
Sa di kalayuan, may dalawang lalaking nakaitim at kapansin-pansin ang facemask na halos itago ang kanilang mukha.
Sa harap nila’y isang matandang babae, pilit nilang hinaharangan, pilit din nilang inuudyukan.
“Ano ba!”
“‘Wag niyo akong hawakan!”
Sabay-sabay na lang kaming naalerto at mabilis na humakbang sa komosyon ng doon matumba ang matandang babae dahil sa dalawang ‘di kilalang lalake.
“Hoy! Ano ‘yan?!” sigaw ni Amir habang mabilis kaming humakbang papalapit.
Nang makalapit kami ay doon namin itinayo ni Ghon at Baste ang matandang babae.
“Okay lang po ba kayo?” ang mabilis na wika ni Baste kasabay ng pagsuri sa buong katawan ng matanda na wari’y hinahanap kung may sugat ito.
“Pare, ‘wag kayong mangialam sa hindi niyo problema,” malamig na wika ng isa sa mga lalaki, mababa ang boses, may suot pang sumbrero.
“Anong ‘wag mangialam?” giit ni Amir, itinuro ang matanda. “Eh nananakit kayo!”
“Mga taga saan ba kayo ha?” sabat ni Tiyo Makmak, humarap sa dalawa. “Hindi kayo taga-dito. Anong ginagawa niyo ha?”
“Hindi ho ba kayo makaintindi? Ang tanda niyo na pero ‘di kayo marunong makinig,” ang pang iinsulto pa ng ‘di kilalang lalaki, “Sabing wag ho kayong mangialam, hindi naman kayo ang iniistorbo namin.”
“Aba bastos ka ah…” aamba sana si Amir, ngunit agad siyang hinawakan ni Tiyo Makmak sa braso.
“Tara na, boy,” wika ng isa pang lalaki na may facemask. “Masasayang lang oras natin dito.”
Hindi na nagsalita ang dalawang lalaki at doon nalang sila sabay na tumalikod at naglakad papalayo.
“Mga duwag!” habol na sigaw ni Amir.
“Ayos lang po ba kayo?” mahinahong tanong ni Tiyo Makmak sa matanda.
“Oo…ayos lang ako,” hingal nitong sagot. “Salamat. Kanina pa ang dalawang ‘yon.”
“Kilala niyo po ba sila?” usisa ni Baste.
Umiling ang matanda. “Hindi nga eh. Kanina pa sila sumusunod sa akin.”
Saglit siyang huminga bago nagpatuloy.
“Pinipilit nila akong pumirma,” wika niya. “Doon sa petisyon…para daw sa gagawing resort.”
“Hindi naman ako taga-dito,” dagdag niya. “Bibigyan daw nila ako ng pera kapag pumirma ako. Eh baka scam, kaya ayaw ko.”
“Pati ano kung pumirma ako? Masisira ang ganda ng Ifugao,” giit ng matanda.
“Tama lang po ang ginawa niyo,” mariing sambit ni Tiyo Makmak.
Sabay-sabay nalang kaming nagkatinginan dahil sa inilahad ng matanda.
Kabanata 31
B I B I N G K A
Alas-kwatro ng hapon sa Barangay Chaya, Mayoyao Ifugao.
“See you later, Cali.” paalam sa akin ni Baste, kasama niya si Tiyo Makmak na ngayon ay pabalik na sa bahay na tinutuluyan nila.
Si Amir at Ghon ay mabilis na nawala sa paningin ko, nakita lang nilang naglalaro ng basketball ang mga kabataan sa may gilid ng sentro ay doon agad tumungo.
Kadadating lang din namin galing Nagchajan Viewpoint, at isa lang ang masasabi ko sa lugar na iyon, talagang napakaganda at ’di mapapantayan ang kuha mula sa camera kapag ang iyong mga mata ang nakakakita ng tunay na ganda.
Doon ko rin lubusang naunawaan na ang lugar na iyon ay hindi lamang tanawin, isa itong alaala ng kapayapaang muling nabawi ng mga taga-Mayoyao mula sa mga Hapon.
“Cali!”
Napahinto ako sa paglalakad. Isang pamilyar na boses ang tumawag mula sa unahan.
Pagtingin ko, si Aling Berta iyon, may kasamang isang babae na mukhang bagong dating, maayos ang postura, halatang isang propesyonal.
“Aling Berta,” ang salubong ko sa kanya, “Kumusta po?”
“Ito si Jessa,” wika niya, bahagyang inilapit ang babae sa akin. “Kadadating lang.”
“Hello, Cali,” malumanay ngunit magiliw na bati ni Ma’am Jessa habang iniaabot ang kanyang kanang kamay.
“Hello po, Ma’am Jessa,” tugon ko, tinanggap ang pakikipagkamay.
“Invited kayo sa kasal namin ni Melvin sa twenty-one ha,” nakangiting paanyaya niya, parang natural lang na isama kami sa mahalagang araw ng kanyang buhay.
“Opo, Ma’am,” tanging tugon ko sa kanya.
“Nabanggit ni Mama na mga estudyante kayo from Manila,” wika niya.
Tumango ako.
“You are featuring our place, our people, our culture, our treasure,” dagdag niya, nakangiti at puno ng pasasalamat. “And I want to thank you, pati ang team mo, sa ginagawa niyo.”
“You’re welcome po. It’s an honour for me to study the culture of Ifugao,” ang nakangiti kong tugon sa kanya.
“Kung gusto niyo…” utas ni Ma’am Jessa. “You can feature our wedding preparation or ang tinatawag naming Tukor.”
“Tukor?”
“Oo, Tukor,” tugon niya, “It’s a tradition the night before the wedding. May mga rituals na gagawin ang mga matatanda at ang ilang mga mumbaki.”
Napatango naman ako sa inilahad niya.
“I will also tell you the story kung paano nga ba ang tradisyon na panliligaw na ginawa sa akin ni Melvin,” nakangiti pang hirit ni Ma’am Jessa.
“Sure po, Ma’am. Thank you so much po,” ang pasasalamat ko sa kanya.
“No, worries. So on Monday, we can start our interview since the wedding day is on Tuesday.”
“Okay po, Ma’am. Noted po,” nakangiti kong tugon.
“O siya, mauna na kami sa’yo, Cali,” paalam ni Aling Berta.
“Sige po,” tugon ko.
“See you around, Cali,” wika ni Ma’am Jessa bago sila tuluyang lumakad palayo.
“Cali!”
Hindi pa ako nakakahakbang ay muli ko namang narinig ang pangalan ko.
Humarap ako at doon ko nakita si Tita Lola na nakatayo sa harapan ng kanilang kubo, doon ko naman napansin sa likuran niya si Apo Lumawig na ngayon ko nalang ulit nakita. Tulad ng dati niyang pwesto at itsura ay ito’y nakaupo sa papag sa ilalim ng kanilang kubo at seryoso, at tila may sariling mundo habang minamasdan ang paligid.
Humakbang na ako papalapit doon.
“Tita Lola,” bati ko.
“Apo Lumawig,” dagdag ko, ngunit nanatiling tahimik ang matanda, ni hindi man lang gumalaw ang tingin.
“Kumusta ang lakad niyo?” pangangamusta ni Tita Lola.
“Okay naman po,” tugon ko. “Sobrang ganda po ng view. Kitang-kita ang buong rice terraces ng Mayoyao.”
“Mabuti naman at naengganyo ka,” nakangiti niyang sagot. Habang nagsasalita, abala ang kanyang mga kamay sa pag-aayos ng hawak niyang dahon ng saging, may nakabalot dito, at halatang mainit-init pa.
“May ipapasuyo pala ako sa’yo,” wika niya. Inilapit niya ang dahon sa akin. “Ito.”
Inabot ko ito, ramdam ang init. “Ano po ito?”
“Pakibigay kay Bossing,” sagot niya. “Katatapos lang din ng medical mission nina Marel. Nandoon na sila kila Makmak at nagpapahinga.”
Napatingin ako kay Apo Lumawig, ngunit nanatili siyang tahimik, tila walang pakialam sa usapan.
“Hindi pa bumababa ang Bossing mula kaninang umaga,” pagpapatuloy ni Tita Lola. “Baka hindi pa kumakain.” Saglit siyang ngumiti.
“Nag gawa ako niyan, bibingka sa latik. Dinagdagan ko na para sa inyo, kumuha na lang kayo mamaya.”
Tumango naman ako sa habilin ni Tita Lola.
“Nasaan sina Amir at Ghon?” hanap niya sa akin.
Bumaling ako sa likod at doon itinuro sa malayo ang dalawa na ngayon ay nakikipaglaro na sa mga kabataan.
“Ayun po, nagbabasketball,” tugon ko sa matanda.
“Kaya mo bang umakyat mag-isa?” tanong ni Tita Lola. “Papasamahan ba kita?” aniya, saka bahagyang lumingon na tila tatawag ng kung sino. “Oy, Dedo-”
“Ay, kaya ko na po, Tita Lola,” mabilis kong pigil.
“Sigurado ka?” usisa niya.
“Opo,” sagot ko bago tumango. “Magpapaalam din po kasi ako kay Bossing. Nag-aya po si Baste na pumunta sa peryaan mamaya.”
“Ay oo, maganda pumunta ngayon doon. May tugtugan, may sayawan din,” lahad ni Tita Lola, “Mag iingat lang kayo at madaming tao.”
Tumango ako bilang tugon, saka nagpaalam at sinimulan ang pag-akyat sa hagdan patungo sa kinaroroonan ng Bossing.
Habang paakyat ako, unti-unting bumibigat ang bawat hakbang. Sa isip ko’y inuulit-ulit ko na ang mga salitang sasabihin, kung papayagan ba niya kami, o hindi.
Alam kong tama lang na magpaalam.
Sa huli, bisita pa rin kami rito.
At higit sa lahat, ayokong muling magkamali sa isang taong pilit kong iniiwasang guluhin ang katahimikan.
Kasabay ng paghahabol ko ng hininga nang tuluyang makatungtong ang paa ko dito sa aming tinutuluyan ay doon ako nakarinig ng sunod-sunod na pamilyar na tunog mula sa pagbagsak ng al-o sa sulong.
Bitbit ang dahon ng saging na may bibingka sa latik, humarap ako sa kinaroroonan ng Bossing.
Siya ngayon ay nasa ilalim ng puno ng mangga habang patuloy ang kanyang pagbabayo ng palay.
Kita ko mula sa aking kinatatayuan ang seryoso niyang mukha sa pagbayo ng palay. Tiyak na kanina pa ito sa kanyang ginagawa dahil pansin ko ang katawan niyang puno ng pawis na bumabakat sa suot niyang puting longsleeve.
Napalunok ako, hindi ko alam kung bakit.
Malayo man ay pansin ko ang hindi mawariang tattoo sa kanyang dibdib na natatakpan ng damit, na para bang gusto ko itong makita ng buong-buo.
Humugot muna ako ng hininga bago nagsimulang humakbang papunta sa kusina para ilapag ang hawak kong bibingka sa latik.
Hindi ko nakitang lumingon ang Bossing, tila hindi niya naramdaman ang presensya ko.
Pagkalapag ko ng bibingka sa latik ay dahan-dahan akong bumaling ng tingin sa kanya.
Hindi ko maipaliwanag, ngunit unti-unti akong kinakain ng hiya, hiya kung lalapit ba ako, kung magsasalita ba ako o kung magpapaalam pa ba ako.
Diretso ang tingin ko sa ginagawa niya, at sa bawat pagbagsak ng al-o sa sulong ay doon din umuusbong ang hindi ko mawariang kaba na nararamdaman ko.
Napapalunok ako.
“Hihintayin ko nalang sila Amir,” mahinang sambit ko dahil hindi ko kayang siya’y lapitan.
Nagdesisyon na lang akong humakbang papaalis dito sa kusina. Humabol pa ako ng tingin sa kanya ngunit tila hindi niya talaga napansin ang aking presensya.
“Mamaya na lang, pagdating nila Amir,” muli kong mahinang bulong ng nakapag desisyon akong pumasok na lang ng kubo para hintayin ang dalawa.
Ngunit ilang segundo pa sa aking paghakbang ay doon ako natigilan.
“Cali.”
Kasabay ng pagtigil ng tunog ng al-o at sulong ay tila napako rin ako sa aking kinatatayuan.
Parang nagtayuan ang balahibo ko sa buong katawan.
May dumaloy na pakiramdam na hindi ko maipaliwanag, isang halo ng gulat, kaba, at kung anong hindi ko pa kayang pangalanan.
Ito ’ata ang unang beses kong narinig na tawagin niya ako sa aking ngalan.
Dahan-dahan akong tumalikod paharap sa kanya.
Suot ang tila gulat na pag ngiti ay doon ako nagsimulang humakbang papalapit sa kanya.
Diretso ang aking tingin sa kanya na ngayon ay saglit na iginilid ang al-o sa troso, bago siya muling seryosong bumaling sa akin.
Nang tuluyan akong makalapit ay hindi ko napigilang mapatingin sa suot niyang longsleeve. Bumabaklat sa tela ang bakas ng tattoo sa kanyang dibdib, tila isang lihim na ayaw magpakita ng buo.
“May problema ba?”
Untag niya dahilan para mabilis akong bumaling ng tingin sa kanyang mukha.
“Ah…” pag-aalinlangan ko.
“May ipinadala po si Tita Lola,” bahagya kong itinuro ang bibingka sa latik na nakabalot sa dahon ng saging, “Hindi raw po kayo bumaba sa sentro, kaya pinadalhan na lang kayo.”
Matapos kong magwika ay pagtango lang ang naging tugon niya.
Napangiti naman ako ng pilit dahil hindi ko magawang sabihin ang dapat kong sabihin.
Diretso ang tingin niya sa akin, parang hinihintay ang sunod kong sasabihin. Wala siyang sinasabing kahit ano, ngunit ramdam ko ang bigat ng kanyang pananahimik.
Humugot muna ako ng lakas at hininga bago nagsalita.
“Magpapaalam po sana ako…” ang nahihiya kong wika sa kanya.
Diretso at seryosong nakakatakot ang tingin niya, “…nagyaya po si Baste na pumuntang peryaan mamaya.”
Bigla niyang inilayo ang tingin, tila hindi nagustuhan ang narinig.
Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa amin bago siya nagsalita.
“Kayong dalawa lang?” malalim na pasumalang wika nito.
Diresto akong nakatingin sa kanya, kinakabahan dahil sa kanyang ikinikilos.
“Kasama po sila Ghon at Amir,” sagot ko.
Muling bumalling ng tingin ang Bossing sa akin, seryoso pa rin ang kanyang mukha.
“Paano kayo pupunta? Anong sasakyan niyo? Sinong magmamaneho?”
Sunod-sunod niyang pagtatanong.
“Ipinahiram po ni Tiyo Makmak yung sasakyan niya,” una kong tugon.
“Marunong naman po yung tatlo na mag-drive. Pero sabi ni Baste ay siya na lang at gusto niya raw pong maranasan ang kalsada dito sa Ifugao.”
Muling iniwas ng Bossing ang kanyang tingin, dahilan para mas makaramdam ako ng kaba.
Muli akong humugot ng lakas para magsalita.
“Kung ayaw niyo naman po Bossing ay okay lang, naiin-”
“Pumunta kayo kung gusto niyo,” malamig na pagputol nito sa akin. “Hindi mo naman kailangan magpaalam pa sa a-”
“Pero nagtatanong po kasi kayo,” ang pagputol ko naman sa kanya.
Tila ba biglang umihip ang nakabibinging katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Seryoso ang kanyang mukhang nakatitig sa akin, mata sa mata.
“Gusto ko pong magpaalam sa inyo…” mahinahon kong wika. “…kasi sa inyo kami nakikituloy. Nakakahiya naman po kung aalis na lang kami basta ng hindi niyo alam kung saan kami pumunta.”
Hindi siya sumagot agad at tila pinoproseso ang aking sinabi.
“Hindi na kayo mga bata, may mga sarili na kayong desisyon,” ramdam ko ang tila inis sa kanyang tinig, “Pumunta kayo kung gusto niyo.”
“Salamat po, Bossing,” pilit kong pagngiti kasabay ng pagtango.
Muli niyang inilhis ang kanyang tingin sa akin.
“Pero kung may mangyari sa inyo…” seryoso niyang babala.
“Si Baste ang sisisihin ko…” muli siyang bumaling ng tingin.
“…siya ang nagyaya, siya ang may gusto, siya ang mas matanda, at siya ang may alam sa inyong tatlo.”
Nakatitig lang ako sa kanyang mukha at hindi na nagsalita.
“Siguraduhin lang ni Baste…” dagdag niya, mas mababa ang boses.
“…na walang mangyayari sa ’yo.”
Hindi ko agad na proseso ang sinabi niyang iyon. Tumango na lang ako.
“Thank you po, Bossing.”
Hindi na siya nagsalita pa, muli niyang kinuha ang al-o para ituloy ang pagbayo.
Ako naman ay tumalikod na sa aking kinatatayuan para muling ituloy ang balak na pagpasok sa kubo.
Ngunit hindi pa ako nakakahakbang ay muli kong narinig ang pagtawag niya sa aking ngalan.
“Cali…”
Hindi ako lumingon at hinintay na lang ang kanyang sasabihin.
“Huwag kayo masyadong mag-papagabi.”
Marahan na lang ako tumango bago ko tinumbok ang daan papasok sa kubo dala-dala ang hindi ko malamang pagbilis ng tibok ng aking puso.
happy pride everyone!
thank you for reading this story! thank you for the support!
Kabanata 32
K I S M E T
“I think Doc Baste fancies you,” ang walang prenong bibig ni Ghon.
Nandito kami sa likurang bahagi ng sasakyan, si Ghon ay nasa unahan ko at prenteng nakaupo habang kumakain ng isang biskwit na bigay sa kanya ng isang bata kanina.
Si Baste ang nagmamaneho ng owner-type jeep habang si Amir ay nagpumilit na sa passenger seat umupo dahil siya ang nakakaalam ng pasikot-sikot sa kalsada.
“He’s a bit flirty,” utas pa nito.
Napangiti na lang ako sa sinasabi ni Ghon. May punto siya dahil pansin ko rin naman sa mga ikinilos ni Baste, masyado itong malapit at may tamis ang mga salitang binibigkas niya.
“At the same time, Bossing becomes kinder to you…” pasumalang wika niya habang patuloy sa pag-nguya.
Mag aalas-syete na rin noong umalis kami kaya may kadiliman na ang daan pababa galing sa Barangay Chaya.
“Baka napagod lang sa pagsusungit,” birong tugon ko na lang sa sinabi niya.
“I don’t buy that,”
“Ubusin mo na lang ’yang kinakain mo.” Singhal ko naman sa kanya, napatawa na lang ito.
Inabot pa ng ilang minuto ang naging byahe namin bago makarating dito sa bayan ng Mayoyao.
Ipinarada muna ni Baste ang sasakyan ni Tiyo Makmak sa isang bakanteng lote, saka kami naglakad patungo sa sentro, kung saan sa malayo pa lamang ay tanaw na ang makukulay na ilaw ng peryaan.
Tila gising na gising na ang buong peryaan dahil sa ingay, kulay, at kaliwa’t-kanang kasiyahan ang nasa paligid.
Patuloy ang sigawan ng mga matatanda at bata sakay sa iba’t-ibang rides na meroon dito.
Agaw-pansin ang malaking barkong patuloy na umuugoy na parang duyan na ang tawag ay Anchor’s Away na tila hinahamon ang sikmura ng mga sakay nito. Mayroon ding mga simpleng roller coaster na hugis bubuyog, bawat upuan ay may mukhang pamilyar na parang si Jollibee na pinagkait sa pagkain ng chicken joy.
Sa di-kalayuan naman, umiikot ang carousel na tila masisilaw ka sa sobrang liwanag ng mga ilaw na nakakabit sa mga kabayo at paligid nito.
Ngunit higit sa lahat, ang aking tingin ay hindi maalis sa ferris wheel na nakatayo sa gitna ng peryaan, mataas, makulay, at marahang umiikot, tila tahimik na nagmamasid sa lahat ng kasiyahang nagaganap sa ibaba.
Maingay ang paligid, dahil bukod sa mga sigawan ay naglalakasan din ang iba’t-ibang pagtugtog ng mga kanta at musika na tila ba nasa isang dance party ka.
Makulay naman ang paligid dahil sa mga nakakabit na banderitas na patuloy ang pagsayaw sabay sa malamig na simoy ng hangin. May mga laser lights din na iba’t-iba ang inilalabas na kulay.
Kaliwat-kanan ang mga nakatayong food stalls na tila hindi mo mabibili ang lahat sa isang araw lamang. May mga stall din na kung saan ay kailangan mong maglaro ng baril-barilan kapalit ng tsansang makuha ang mga nakasabit na naglalakihang stuffed toy.
“Sakay tayong ferris wheel, Cali?” ’di ko namalamayan na matagal na pala ang pagkakatitig ko sa makulay na sakayang iyon.
“Ha?” tila ba hindi ko narinig ang sinabi ni Baste sa kaliwa ko.
“Ang sabi ko, kung gusto mo ay sumukay tayong ferris wheel,” nakangiti niyang pag-uulit.
Iginala ko ang aking paningin at doon ako may napansin, “Nasaan sila Amir at Ghon?” taka kong tanong.
“Ayun,” tugon nito sabay turo sa may kanang bahagi namin.
Napakamot na lang ako ng ulo, ang dalawa ngayon ay tila nasa kompetisyon sa pagalingan ng pagsayaw sa harapan ng isang banda na ang tinutugtug ay talagang nakaiindak talaga.
“Sali tayo sa kanila?” ang untag ni Baste, mabilis akong bumaling sa kanya at sunod-sunod ang ginawang pag-iling.
“Hindi na. Hindi ako marunong sumayaw, nakakahiya.”
“So, sakay na lang tayo?”
Hindi na ako nagprotesta pa sa kanya. Sabay naming tinumbok ang pila sa pagbili ng ticket para sa ferris wheel.
“Tita, dalawa po,” ani Baste habang dumudukot ng pera sa wallet niya.
Saglit kaming sinipat ng matandang babae sa loob ng booth, mapulang-mapula ang kanyang labi at pisngi, para bang mas makintab pa sa ilaw ng peryaan.
“Mag-jowa?” matinis at deretsong tanong nito.
“Ay hindi po.” “Hindi pa po.”
Sabay na sagot namin ni Baste. Napakamot pa ito na tila nahihiya, ako naman ay ’di na lang umimik.
“Daming alam,” tila wala sa wisyong tugon sa amin ng babae, “One hundred twenty lang,” dagdag nito kasabay ng pagbayad ni Baste sa ticket.
“Ano, tara?” pagyaya nito sa akin.
Tumango na lang ako at nagpaanod sa paglakad namin papasok sa loob ng isang kulay itim na parang capsule ang itsura, dito kami pumasok at magkaharap na umupo sa may kasikipang upuan.
“Appit yu hin maphod, ya mag-enjoy kayu,” ang wika ng isang lalaking nag-assist sa amin papasok sa loob ng sakayan.
Alam kong isang paalala ang sinabi niya. Sinarado nito ang tila pintuan ng aming sinasakayan, walang salamin ngunit tanging bakal ang nagsisilbing bintana ng inuupuan namin.
“Are you afraid of heights?” biglang tanong ni Baste.
Umiling ako, “Hindi naman. Sanay ako sa mga matataas.”
Doon nagsimulang dahan-dahan na umaandar pataas ang ferris wheel, nakita ko naman ang mabilis na pagkapit ni Baste sa bakal sa gilid niya.
“Ikaw?” tanong ko, bahagyang may biro. “Takot ka?”
“Ako?” pilit niyang tinawanan ang sarili. “Hin-ah mama ko!”
Muling umangat ang sinasakyan namin.
Napahagikgik na lang ako ng bigla na lang pumikit si Baste, habang mahigpit at nanginginig pa ang kanyang paghawak sa bakal na para bang iyon ang magliligtas sa kanya.
“Hindi ka pala takot ha,” natatawa kong wika sa kanya.
Napatawa na lang ito, habang tila taimtim na nanalangin dahil patuloy na ang pag-ikot ng ferris wheel.
Hindi mabagal ngunit hindi rin mabilis, katamtaman lang ang takbo na sapat para makita ko ang buong kinatatayuan ng peryaan dito sa Bayan ng Mayoyao. Agaw pansin ang buong liwanag ng peryaan sa madilim na gabi.
Sa bawat pagtaas baba ng aming sinasakayan ay doon ko mas nararamdaman ang bawat pagdampi ng malamig na simoy ng hangin.
Muli akong napatingin kay Baste, nakapikit parin siya. Para itong bata na tila takot na takot, malayong-malayo sa inaasahan ko sa kanya.
“Try mong buksan ang mata mo,” ang wika ko.
“Ayoko, baka masuka lang ako,” tugon niya.
Napangiti na lang ako, “Try mo lang, subukan mo. Ang ganda ng view mula sa taas,” ang pamimilit ko pa sa kanya.
Nakabaling lang ako sa kanya habang inaabangan ang pagbukas ng kanyang mata.
Dahan-dahan ito at tila maingat na nilalabanan ang takot niya sa heights.
Bahagyang tumigil ang sinasakyan namin sa itaas ng ere, “Tingnan mo ang view,” ang wika ko sa kanya, “Ang ganda diba.”
Kita ko naman ang pagkamangha sa kanyang mukha, mabilis ko rin namang iginayak ang aking sarili para muling pagmasdan ang madilim na tanawin sa paligid ng bayan ng Mayoyao.
“Ang ganda nga,” ang wika ni Baste.
Bumaling ako sa kanya, “Diba sabi ko…” ’di ko naituloy ang aking sasabihin ng makitang diretso at seryoso ang baling sa akin ni Baste.
“Ang ganda nga ng view.”
Napapitlag ako ng marahan niyang inabot ang kaliwang kamay ko. Hinawakan niya ito, hindi madiin kung hindi banayad lamang.
’Di ko malaman ngunit hindi ko magawang mabawi ang aking kamay sa paraan ng pagtitig niya sa aking mga mata.
“Cali…”
Mahina ngunit malinaw ang pagtawag niya sa akin.
Hindi ako tumugon, inabangan na lamang ang sunod niyang sasabihin.
“Are you seeing someone?”
Hindi na ako nagulat sa tanong na ibinato sa akin ni Baste.
Ngumiti ako, dahan-dahan kong hinawakan ang pagkakakapit niya sa kamay ko.
Umiling ako bilang tugon habang diretso akong nakatingin sa kanya.
“Masaya na ako sa kung nasaan ako.”
Dahan-dahan kong iginayak pabalik ang kanyang kamay sa sarili niya para mabitawan nito ang pagkakapit niya sa akin.
Hindi siya umimik. Hindi na kailangan. Parang sapat na ang mga salitang sinabi ko.
“Ang focus ko rin ngayon ay ang study namin.” Nakangiti kong dagdag sa kanya.
Ngumiti ito, dahan-dahang tumango.
“I understand. I do understand, thank you for being honest,” kita ko naman sa kanyang mukha ang pagkakaintindi sa aking sinabi.
“I mean…I’m too fast, right?” pilit niyang tinawanan ang sarili. “Parang kahapon lang tayo nagkakilala and this is how…mama ko!”
Bigla siyang bumalik sa dating pwesto, mahigpit na kumapit sa bakal nang magsimulang bumaba ang ferris wheel.
Napatawa na lamang ako.
Mabilis na lumipas ang natitirang sandali hanggang tuluyan kaming bumaba.
Humakbang kami palabas ng sinakyan, muling sinalubong ng ingay, ilaw, at sigla ng peryaan na para bang walang nangyaring pag-amin sa ere.
“Let’s find Ghon and Amir?” tanong niya habang nakatayo kami sa gitna ng peryaan.
Iginagala ko ang aking paningin sa kahabaan ng food stall.
“Should we eat first?” muling wika niya sa tabi ko.
“Ayun,” ang wika ko ng makita ko ang food stall na hinahanap ko, “Tara.”
Sabay naming binaybay ang daan papunta sa food stall na kanina ko pa hinahanap mula pa nang unang tumapak kami sa peryaan.
Huminto si Baste sa harap nito, tila sigurado na rin sa desisyon.
“Takoyaki,” wika niya, bahagyang nakangiti.
“Takoyaki po, mga sir,” bati ng matandang lalaki sa loob ng stall.
“Kuya, dalawang regular po,” sabi ko. “Mix niyo na lang po, crab, cheese, at squid.”
“Okay po, sir,” tugon niya bago simulang ihanda ang order.
“Mahilig ka sa takoyaki?” singit ni Baste sa kaliwa ko, habang pinagmamasdan ang ginagawa ng tindero.
Tumango ako. “Oo. Pero mas masarap pa rin yung authentic sa Japan.”
Ngumiti siya. “Have you ever been to Japan?”
“Actually,” sagot ko, “Half-Japanese ako.”
Agad lumaki ang mata niya, halatang nagulat.
“Hindi ko napansin,” sabi niya, sabay tawa. “Pero ngayon… oo nga, nakikita ko na.”
“Annyeonghaseyo,” dagdag pa niya, parang proud sa sarili.
Napatawa ako. “Korean ’yan.”
“Ay, Korean ba?” kunwari’y napahiya, saka biglang ngumiti. “Ano ba sa Japan ang hello?”
“Konnichiwa,” tugon ko.
Tumango siya. “Ah. Konnichiwa.” Kumaway pa si Baste sa akin na parang bata.
Napatawa na lamang ako.
“Saan kayo sa Japan?” usisa niya.
“Sa Hokkaido,” sagot ko. “Sa Kushiro nakatayo ang business nila mama, doon din kami nakatira.”
“Mga sir, okay na po. Ito na po ang order niyo,” wika ng lalaki.
Kinuha ni Baste ang takoyaki.
“I think may pupuntahan na ako kapag nag-trip kami sa Japan,” dagdag pa niya.
Napangiti na lamang ako habang hawak-hawak ang takoyaki, ramdam ang init nito sa aking palad.
Bumaling muli ako sa lalaking nagtitinda.
“Kuya, takeout po ako nung special takoyaki. Octopus at mixed veggies na lang po ang laman.”
“Okay po, sir,” tugon niya.
“Para kina Amir?” dagdag pa nito.
Umiling ako.
Muli kong ibinaling ang aking sarili sa pagkain at doon dahan-dahang kinagat ang hawak kong takoyaki, mainit pa, at sa gitna ng ingay ng peryaan, saglit akong natahimik.
Kabanata 33
T A U H A N
Unti-unti nang nilalamon ng dilim ang paligid. Tanging ilaw mula sa sasakyang sinasakyan namin ang nagiging gabay sa makitid at bato-batong kalsadang tinatahak namin pauwi ng Chaya.
Kanina, saglit kaming nag-meryenda kasama sina Amir at Ghon. Doon na rin nagsimulang magyayaan sa kung anu-anong rides ang sasakyan. Pinilit pa ni Ghon ang horror house na sa huli, hindi naman nakakatakot.
Nang makaramdam kanina ng pagod, nagpasya na rin kaming umuwi.
Si Amir ang nagmamaneho ngayon ng sasakyan habang katabi niya si Baste, si Ghon naman ay nasa unahan ko pa rin na ngayon at nananahimik dahil nakakaramdam daw siya ng pagsusuka.
Ang aking paningin naman ay nakatuon lang sa kalsadang dinadaaanan namin sa harapan, habang damang-dama ko ang sobrang lamig na simoy ng hangin sa aking balat.
Diretso lang ang aking tingin ng doon dahan-dahang huminto ang aming sinasakyan.
“Aba, angas mag parada nito ah,” ang wika ni Amir.
Napatingin ako sa unahan. May nakaharang na itim na van, sakop nito ang buong kalsada na tila sinadya upang hindi makadaan ang sasakyan.
May kung anong kumabog sa dibdib ko.
Isang kutob na hindi ko maipaliwanag.
Sunod-sunod na bumusina si Amir.
“Baka walang tao?” sabi ni Baste.
Hindi ako umimik. Diretso lang ang tingin ko.
Hanggang sa bumukas ang pinto ng itim na van.
Nanlamig ang buo kong katawan.
Isa-isa silang bumaba…
…mga lalaking nakaitim, may suot na mask. Agaw-pansin ang mga baril na hawak nila, malinaw, walang pagtatago.
“Gago,” mura ni Amir.
“Baba!” “Bumaba kayo diyan!” “Baba!”
“Ano pong problema?” pilit na tanong ni Baste.
“Bumaba kayo!” “Baba!”
Mabilis ang pangyayari, pinalibutan ng mga lalaki ang aming sinasakayan. Patuloy ang kanilang pagsigaw sa amin na bumaba habang malakas na kinakalampag ang aming sinasakyan. Hindi ko mabilang kung ilan sila, basta ang alam ko ay madami.
Sa mga oras na ito ay hindi na magkandamayaw ang bilis ng tibok ng puso ko.
“Bilisan niyo! Baba!”
Hindi ko na namalayan na hinigit na kami ng mga lalaki sa gilid ng aming sinasakyan.
“Dapa!” “Dumapa kayo!”
Isang sipa ang tumama sa aking mga binti. Nawalan ako ng balanse at bumagsak sa lupa.
Dumampi ang mukha ko sa mga bato, masakit, magaspang, ngunit hindi ako nakasigaw.
Nakagilid ang aking baling ng tingin sa tabi kong si Ghon na ngayon ay kitang-kita ko ang takot sa kanyang mga mata.
Napakagat ako sa labi nang maramdaman ko ang bigat ng paa sa aking likuran. Ganoon din ang ginawa nila kay Ghon, kami ngayon ay tinatapakan ng mga hindi kilalang lalaki.
“Sino kayo? Anong problema niyo?” ang atungal ni Ghon sa kaliwa.
Sumasabay ang bilis ng paghinga ko sa bilis ng tibok ng puso ko.
“’Wag kang maingay putangina mo!” sagot ng isa, “Manahimik ka kung ayaw mong barilin kita!”
Sa bilis ng mga pangyayari, parang hindi totoong nangyayari ito. Parang ilang sandali lang ang nakalipas, puno kami ng saya at tawanan.
Ngayon, ang natitira na lang ay dilim at takot. Takot na wala kaming alam kung saan nagsimula, o kung paano ito matatapos.
“Ang mga nakikialam ay pinapatahimik!” ang sigaw ng isa.
Sa mga sandaling ito, alam ko na kung sino sila. Mga tauhan. Mga sunod-sunuran sa madilim na balak na matagal ng bumabalot sa lupain at sa hagdang-hagdang palayan ng Chaya.
“Kung hindi kami magsasalita, madaming madadamay at masisira!” ang sigaw na tugon ni Amir.
“Hindi namin kailangan ang opinyon mo! Gago ka ah!” ang sigaw sa kanya ng isa.
Doon ko rinig ang mga ungol ni Amir, dulo’t siguro sa ginawang pagsipa sa kanya ng mga lalaki.
Hindi ko maikilos ang aking buong katawan.
Tanging mga takot na takot na mga mata ko lamang ang tila binigyan ng karapatan para gumalaw, tanaw na tanaw ko pa rin ang takot na takot na si Ghon sa aking gilid.
Patuloy ang kanilang pagmumura, pananakot at mga sigawan. Iniisip ko na lamang na sila’y mga tauhan at sunod-sunuran sa mga makapangyarihan at hindi sila ang utak ng lahat ng ito.
Mga lalaking mas inuuna ang agarang pantawid sa gutom kaysa sa lupaing unti-unting inuubos.
Marahil alam nila ang masamang idudulot ng proyektong ipinaglalaban nila, ngunit mas malakas ang takot sa mga makapangyarihan kaysa sa malasakit sa palayan, sa panahon, sa hinaharap.
Ilang minuto pa kaming nakadapa na parang oras na walang hanggan.
Na parang ito na ang huling sandali namin dito sa mundo.
Hanggang sa…
Isang bigla at nakasisilaw na liwanag ang bumalot sa paligid.
Sabay-sabay na napaungol ang mga lalaking nakapaligid sa amin. Umatras ang mga yabag. Nawala ang bigat sa likuran ko.
Ang tapak sa aming likuran ay kanilang inalis, dahilan para maigayak ko ang aking sarili na tingnan kung saan nanggagaling ang liwanag na iyon.
Bahagya kong sinipat ang pinanggagalingan ng liwanag, tila galing sa isang motor na malakas ang sinag ng ilaw sa unahan.
“Gago boy.” “Gago.” “Tara na.”
Sa gitna ng liwanag, lumitaw ang anino ng isang taong papalapit. Mabagal ang hakbang. Matatag.
“Tara boy!” “Mumbaki!”
Parang sabay-sabay na bumaluktot ang mga buntot ng mga lalaking kanina lamang ay maaangas.
Karipas ang kanilang takbo papasok sa itim na van, tila ba sila’y mga daga dahil may paparating na pusa.
“Takbo! Sige! Mga duwag!” ang paghiway ni Amir sa ngayong umaandar na ang itim na van.
“Cali,” wika ni Baste na ngayon ay inaalalayan akong tumayo, “Are you okay?”
Tuluyan akong nakatayo, “Okay lang ako,” bumaling ako kay Ghon na ngayon ay nagpapagpag na ng kanyang katawan.
“Okay ka lang, Ghon?” tanong ko sa kanya.
“Yes. I’m okay,” tugon niya kahit halata pa rin sa mukha ang takot.
Napahinga naman ako ng maluwag, matapos ay doon ko muling ibinaling ang tingin sa likuran.
Ngunit wala na ang liwanag. Wala na rin ang aninong humahakbang dahilan para mabilis na nagtakbuhan ang mga kawatan.
“What was that? What just happened?” si Baste.
“I think it’s about the resort project,” sabi ni Ghon. “This is now a matter of time. As days go by, they’ll do anything to force the people to agree.”
“At kung walang magsasalita,” dagdag ni Amir, mababa ang tinig, “Maraming madadamay. Maraming masisira, hindi lang ang lupa, kundi ang pamumuhay ng mga tao rito sa Ifugao. Sa Chaya.”
Hindi ko pa lubos na napoproseso ang lahat ng nangyari. Ang tanging gusto ko na lamang ay muling bumalik sa aming tinutuluyan at magpahinga dahil sa haba at dami ng nangyari sa araw na ito.
Kabanata 34
D A H I L S A ’ Y O
Alas-onse na ng gabi dito sa loob ng tinutuluyan naming kubo.
Prente akong nakaupo sa aking higaan habang pinapanood sina Ghon at Amir na ngayon ay tinutulungan ang isa’t-isa na pahiran ng mga gamot ang kanilang gasgas na natamo dahil sa nangyari kanina.
“Anong sabi ni Tita Daisy, Cali?” untag ni Amir sa akin habang si Ghon ay patuloy ang pagpahid ng betadine sa tuhod niya.
“Gusto na niyang umuwi tayo,” tugon ko.
Napangiti ako ng mapait sa kanya. Katatapos ko lang kausapin si Mama sa cellphone, naikwento ko na ang nangyari kanina, at kahit pilit niyang tinatago, ramdam ko ang pag-aalala sa bawat salitang binitiwan niya.
“Should we go home?” singit ni Ghon.
Umiling ako, “Tapusin na natin ’to, halos dalawang linggo na lang din naman.”
Sabay silang tumango.
Bumaling sa akin si Ghon, “Let’s be more cautious and careful. We can be their voice, but we must let them fight for their own land.”
“Kahit na anong gawin, maling-mali pa rin sila,” si Amir.
“That’s why let’s be their voice. Kausapin natin sila, we should explain how this project will affect not just their crops but also their life,” tugon ni Ghon kay Amir.
Pagtango na lang ang naisagot ko sa kanila.
Hindi ko maisip na ang issue na ito ang isa sa mga mararanasan namin sa pananatili namin dito sa Ifugao.
Hindi maikakaila na sa likod ng ganda ng hagdan-hagdang palayan, sa yabong ng kanilang kultura, sa maayos na pakikisama ng mga taga-rito, ay may mga nangangahas pa rin talagang sirain ang pinakaiingatan nilang yaman.
“Cali, you should clean yourself na,” baling ni Ghon, “So that I can put ointment on your wound.”
Ngumiti ako sa kanya bago tuluyang tumayo mula sa higaan. Sa pag-angat ko, naibaling ang tingin ko sa patungan ng lampshade, doon nakalapag ang plastic na naglalaman ng binili kong takoyaki kanina.
Tahimik ko itong dinampot bago lumabas ng kubo.
Muling sumalubong sa akin ang malamig na hangin na talagang magpapanginig ng tuhod mo.
Ininda ko na lang ang lamig bago ko tinahak ang daan papunta sa kusina.
Bitbit ang plastic na naglalaman ng takoyaki, inilapag ko ito sa tabi ng radyo. Alam kong lasak na iyon, ngunit hindi ko magawang itapon dahil sayang.
“Bakit nandito ’to?” ang baling ko sa radyo. Iginala ko naman ang paningin ko sa madilim na paligid, na tila ba may hinahanap.
Nang hindi ko siya makita, nagpasya na akong dumiretso sa banyo upang maglinis.
Noong makadating kami kanina sa sentro ay doon kami sinalubong nila Tita Lola ng may pag-aalala, nabalitaan naming may mga lalaking ring nagpunta sa sentro noong umalis kami para magpumilit sa kanila na pumirma sa petisyon kapalit ng pera.
Naikuwento sa akin ni Tita Lola na naging buo ang kanilang desisyon na hindi suportahan ang kanilang proyekto, at sa pangunguna at kompronta raw ni Bossing kanina sa kanila ay walang nangahas na pumirma dito.
Noong naikuwento naman namin na doon kami hinarang pauwi at sinubukan pang saktan, hindi pa nag iinit ang aming mga paa sa sentro ay doon nagpumilit sina Tita Lola at Tiyo Makmak na lumapit at dalhin kami sa malapit sa police station.
Habang nililinis ko ang aking katawan, sunod-sunod ang ginawa kong pagbuntong-hininga.
Parang hinuhugasan ko hindi lang ang alikabok at sugat, kung ’di pati ang takot na kumapit sa akin mula kanina. Sobrang daming nangyari ngayong araw.
Habang ginagawa ko ang paglilinis ay muling sumagi sa aking isipan ang anino kanina noong hinarang kami ng mga hindi kilalang lalaki.
Tila ba ang aninong iyon ay kinatatakutan, aninong may dalang isang bagay na hindi mo gugustuhing makita. Mabilis nawala ang aninong iyon, kasing bilis ng pagtakbo ng mga lalaki kanina.
Ngunit isang tao lang ang naiisip ko kung sino iyon.
Matapos kong malinis ang aking katawan, nagpalit na rin ako ng damit sa banyo. Komportableng puting t-shirt at pajama ang aking suot.
Lumabas na ako ng banyo at doon sumalubong ang mas malamig na simoy ng hangin. Rinig din dito ang mga pagkanta ng kuliglig sa gabi. Mataas at maliwanag ang sikat ng buwan na banayad na nagbibigay ng liwanag sa paligid.
Nagsimula akong humakbang pabalik sa kubo.
Ngunit ilang hakbang pa lang ay doon ako natigilan, sa gilid ng kusina.
Doon ko natanaw ang bulto ng katawang hinahanap ko kanina noong makabalik kami rito.
Nakatayo siya sa harap ng kalan, tahimik, tila hinihintay ang pagkulo ng tubig, tiyak na magkakape.
Suot niya ang isang itim na t-shirt at pants, simple, mukhang handa na ring magpahinga.
Humugot ako ng lakas ng loob, napalunok pa ako bago nagdesisyong humakbang papalapit sa kanya.
“Bossing,” mahinang pagtawag ko nang makalapit ako sa gilid nito.
Bumaling siya sa akin.
Hindi nakangiti.
Hindi galit.
Hindi rin gulat.
Seryoso lang. Diretso.
Hindi siya nagsalita, pinasadahan niya lamang ako ng tingin, mula paa hanggang aking mga mata bago niya muling iniwas ang tingin.
Napalunok ako. Napabaling ang aking tingin sa plastic na may takoyaki na nakapatong sa lamesa.
“Ah… Bossing…” mahina kong panimula, “…binilhan po kita ng takoyaki doon sa peryaan.”
Humakbang ako papunta sa mesa at inilabas ang laman ng plastic. “Octopus at mixed veggies po. Hindi processed food kaya ito ang pinili ko.”
“Kaso baka po lasak na,” dagdag ko, nahihiya.
“Medyo late na rin po kasi kami nakauwi. Kung ayaw niyo po, ibibigay ko nal-”
“Kakainin ko.”
Napalingon ako at napakurap.
“Bossing?”
Nakaharap na siya sa akin, seryoso pa rin ang tingin.
“Ang sabi ko, kakainin ko.”
Awtomatikong sumilay ang ngiti sa aking labi.
“Ay sige po, Bossing,” nakangiti kong tugon, “Wait po. Kukuha ko kayong tinidor,” doon ako muling lumapit sa kanya para kuhanin ang tinidor na nakapatong sa stante.
Nakasunod lang ang mga mata niya sa akin.
Pagkakuha ko ng tinidor ay doon ako humarap sa kanya.
“Ano ’yan?” utas niya sa harapan ko, habang diretso ang tingin sa aking mukha.
Napatigil ako, “Alin po Bossing?”
“Iyang nasa pisngi mo,” seryoso siyang nakatingin sa aking pisngi sa kanan, “Saan mo nakuha ’yang gasgas?”
Napahawak ako sa aking kanang pisngi habang diretso ang aking tingin kay Bossing.
“Ah. Ano po…” utal kong tugon.
“…yung mga lalaking humarang sa amin pabalik dito. Pinadapa kami, nadali po siguro sa bato.”
Hindi ko malaman ngunit nakita kong nag-igting ang panga ni Bossing, hudyat na hindi niya nagustuhan ang sinabi ko.
Huminga ako ng malalim, “Hindi naman po kami sobrang nasaktan. Hindi rin naman po ganoon kasakit ’tong gasgas.”
Tila hindi siya nasiyahan sa sinabi ko.
Humakbang siya, mas malapit sa kinatatayuan ko.
“Patingin,” malalim ang kanyang wika.
Nagsimula akong kabahan, at higit sa lahat ay naestatwa ako sa kanyang ikinilos.
Inilapit niya ang kanyang mukha sa aking pisngi na wari’y sinusuring mabuti ang gasgas dito.
Saglit na nagtagpo ang aming mga mata bago niya ito iniwas at muling ibinaling ang tingin sa gasgas sa aking pisngi.
Sa mga oras na ito, tila ba mas lumakas ang huni ng mga kuliglig sa gabi, mas naramdaman ko ang malakas na paghampas ng malamig na hangin, naririnig ko rin ang tila mas mabilis na pagtibok ng isang bagay sa aking loob.
“Paanong hindi naging masakit ’to?” madiin niyang tanong.
Diretso ang tingin niya sa akin, galit, pero hindi pasigaw. Galit na pinipigilan.
Alam niyang nagsisinungaling ako.
Hindi na siya nagsalita pa. Mabilis siyang humakbang palayo at may kinuha sa gilid ng kusina.
“Bossing?” tawag ko.
“Bossing…”
Humarap siya na may hawak na pamilyar na pangpahid sa sugat.
Inayos niya ang upuan sa likod ko.
“Bossing,” mahinang tawag ko muli.
“Upo,” seryoso at madiin niyang utos.
Napalunok ako, “Ah. Bossing, okay lang po…” nahihiya kong tugon sa kanya dahil alam ko ang gagawin niya sa akin, “…si Ghon na lang po ang maglala-”
“Ang sabi ko umupo ka…” hindi man malakas, ngunit nakita ko na lang ang aking sarili na nakaupo sa upuan habang siya’y nasa aking harapan.
Seryoso ang kanyang tingin.
Hindi galit. Hindi rin malamig. Ngunit may bigat, isang bigat na nakakatakot pagmasdan.
Diretso at wala akong imik na nakabaling sa kanya, inayos niya rin ang isang upuan paharap sa akin bago siya tuluyang umupo dito.
Doon siya nagsimulang maglagay ng ointment sa kanyang daliri. Muli akong napalunok dahil sa kanyang ikinikilos.
Bumaling siya ng tingin sandali, saka inilapit ang sarili niya sa akin. Dahil diretso akong nakaupo, wala akong nagawa kung ’di magpaanod sa kanyang ginagawa.
Naramdaman ko ang pagdampi ng kanyang mga daliri sa aking pisngi.
Napatingin ako sa kanyang mga mata, ngunit ito’y nakabaling sa aking pisngi. Sinimulan niyang ipahid paikot ang ointment dito.
Kahit na hapdi ang dapat na aking nararamdaman ay hindi ko ito magawang maramdaman dahil mas umiigiting ang kaba at ang hindi ko mawariang saya sa ginagawa niya sa akin.
Ang sensasyon sa pagpahid niya sa aking pisngi ay dahilan para unti-unting mawala ang kaba at bilis ng tibok ng aking puso.
Tila ba ito ang unang beses na nakaramdam ako ng ginhawa at walang pag-aalala.
Hindi ko magawang iputol ang aking tingin sa kanyang mga mata. Hindi siya nakabaling sa akin, seryoso siya sa kanyang ginagawa.
Hindi ko magawang alisin ang tingin ko sa kanya. Seryoso siya sa ginagawa, tahimik, nakatuon.
Ilang minuto kaming ganoon.
Hanggang sa napansin ko ang pagbabago sa kanyang paghinga, mas malalim, mas mabigat.
Maging ang galaw ng kanyang kamay ay nag-iba, mas mabagal, mas marahan.
Hanggang sa…
…nagtagpo ang aming paningin.
Mata sa mata.
Nakita kong muli ang mga matang tila matagal ko nang hinihintay.
Mga matang puno ng pangungulila.
Ang unang beses ko itong makita ay noong gabing tinabihan ko siya sa pagkakaupo sa ilalim ng puno ng mangga.
Nagtagal ng ilang segundo ang aming pagtititigan nang doon ko ito basagin.
“Galit ka, Bossing?” mahina kong tanong.
Tumango siya habang hindi pa rin napuputol ang aming pagtitingiginan.
“Pasensya na, Bossing,” may halong lambing sa aking boses.
“Hindi sa ’yo,” mabilis niyang tugon.
Napalunok ako at inabangan ang sunod na sasabihin niya.
“Kay Baste…” umiwas siya ng tingin at nagbuntong-hininga.
Muli siyang bumaling. “…Dahil hindi ka niya na protektahan.”
“At galit ako sa mga gumawa sa ’yo nito.”
Hindi ako nakaimik.
“Galit din ako sa sarili ko,” dagdag pa niya, mas mababa ang tinig. “Dahil hinayaan kitang mapunta sa ganito.”
Ang mga salitang binibigkas niya ay tila hindi totoo.
Ang mga salitang dahilan kung bakit muling bumalik ang kaba at pagbilis ng tibok ng puso ko.
Nakita ko sa kanyang nangungulilang mga mata ang pangingilid ng hindi ko mawariang luha.
‘Umiiyak ba siya?’ hindi ko mapigilang itanong sa sarili ko. ‘Bakit?’
Bumuntong hininga siya bago niya dahan-dahang ipinatong ang kanyang kaliwang kamay sa aking ulo.
Nagulat man ay hindi na ako nagprotesta pa.
May tanong sa dibdib ko na kung bakit?
Ngunit nalunod iyon sa pakiramdam na muling sumibol sa bawat paghaplos niya sa aking buhok. Banayad. Maingat. Parang matagal nang hinahanap ng katawan ko ang ganitong haplos.
Napapikit ako.
Ang sensasyon ay pamilyar, ngunit hindi ko maalala kung kailan ko ito unang naramdaman o kung kanino.
“Bossing?” mahina kong tawag.
Hindi siya sumagot.
Diretso lamang ang tingin niya sa akin, para bang may hinihintay siyang mabasa ako sa kanyang mga mata. Para bang may sinasabi siya nang hindi binibigkas.
Mas tumahimik ang paligid. Parang kami na lang ang natira sa mundo.
Patuloy ang kanyang paghaplos sa aking buhok.
Kung may isang ingay man ang naririnig ko sa paligid, ito ay ang pagtibok ng puso ko.
“Bossing?” muli kong pagtawag sa kanya.
Huminto ang kanyang kamay.
Dahan-dahan niya itong ibinaba at inabot ang kanan kong pulsuhan. Hindi ako umatras. Hinayaan ko lang siyang hawakan ako.
Pinagmasdan niya ang suot kong bracelet.
Ang bracelet…ang tahimik na saksi. Ang tulay. Ang sagot sa mga tanong na matagal ko nang kinikimkim.
Ilang sandali niya itong tinitigan bago siya bumaling ng tingin sa akin.
“Hindi ako naghintay ng matagal…” panimula niya, “…hindi ako nagtiis na mawalay sa ’yo…para lang masaktan ka ng ganito.”
“Bossing?” puno ng pagtataka ang boses ko.
Hindi siya sumagot.
Sa halip, dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang mukha sa akin.
“Bossing?” gulat kong sambit, kasabay ng pag-usod ko palayo.
Ngunit seryoso ang kanyang mukha, buo ang loob, desidido. Walang pag-aalinlangan.
Nang maramdaman ko ang sandalan ng upuan sa aking likod, doon ko napagtanto ay wala na akong layo.
Naestatwa ako.
Mabagal ang kanyang paglapit, ngunit sa dibdib ko, parang napakabilis. Ramdam ko na ang init ng kanyang paghinga. Ang lapit ng kanyang katawan.
Gusto kong umalis.
Ngunit may kung anong humahatak sa akin na manatili.
Alam ko kung ano ang mangyayari.
Napapapikit na lamang ako at hinintay ang kanyang gagawin.
Tila ba hindi si Bossing ang nasa harapan ko.
Kung hindi siya.
Si Emilio.
Ramdam ko ang init ng kanyang katawan, na tila ilang pulgada na lang ay magdidikit na ang aming mga mukha.
Naikuyom ko na lang ang aking kamao dahil sa itinuturan niya.
Hanggang sa…
“Dahil sa ’yo nais kong mabuhay-”
…bigla na lang tumunog ang radyo na nakapatong sa lamesa.
Nagsimulang tumugtog ang pamilyar na instrumento at kanta.
Dahan-dahan kong ibinukas ang aking mata.
“Dahil sa ’yo hanggang mamatay.”
Doon ay nakita ko ang bulto ni Bossing na ngayon ay nakatayo na sa harapan ko.
“Dapat mong tantuin
Wala nang ibang giliw
Puso ko’y tanungin
Ikaw at ikaw rin.“
Nakabaling ako ng tignin sa kanya.
Ang kanyang mukha ngayon ay tila gulat sa kanyang ginawa.
“Dahil sa ’yo ako’y lumigaya
Pagmamahal ay alayan ka.“
Nakita ko ang gulat sa kanyang mukha. Parang bigla siyang nagising sa sariling ginawa.
Mabilis niyang pinatay ang radyo.
Tahimik.
Hindi siya makatingin sa akin. Ang malalim niyang paghinga ang tanging patunay ng kanyang pagkagulo.
Napalunok na lamang ako.
“Pa…pasensya na,” utal niyang wika habang nakabaling ang tingin sa kawalan.
“Hindi…” utas pa niya, “Hindi pwede ’to,” tila pagtanggi niya.
Hindi ko alam ngunit nakararamdam ako ng kirot na hindi ko dapat maramdaman.
’Dapat ko bang maramdaman? May karapatan ba akong
masaktan
?’
“Hindi pwede ’to…hindi maari,” ulit niya.
Sa puntong ito, ay doon ko naunawaan.
Alam niya.
Alam naming pareho.
Kami ay mga anino ng nakaraan. Mga repleksyon ng sinaunang damdamin nina Emilio at Caloy. Ang mga kilos, ang haplos, ang pagnanasa, mga alaalang inuulit ng panahon.
Ang mga imahe, mga pangyayari ay para bang umuulit lamang sa paraan kung paano nabuhay sila Emilio at Caloy noon.
Ngunit sa puntong ito, sino ba ako sa buhay ni Bossing ngayon? Nakikita niya ba ako bilang si Caloy? Nararamdaman niya ba na siya rin ang naging buhay ni Emilio noon?
Hindi ko malaman ngunit naramdaman ko na lang na may luhang dumadausdos sa aking pisngi na mabilis ko ring pinunasan.
Tumango ako.
Dahan-dahan akong tumayo sa kanyang harapan. Hindi niya ako matingnan.
Maingat kong hinubad ang suot kong bracelet.
Ang bracelet na isang simbolo na nagdudugtong pa rin sa buhay nila Emilio at Caloy.
“Naiintindihan ko po, Bossing,” ang mga salitang lumabas sa bibig ko.
Ang bracelet ay mabilis kong inilagay sa kanyang kaliwang kamay bago ko siya hinarap.
Nakabaling na ang tingin niya sa akin, “Huwag po kayong mag-alala, Bossing,” ang wika ko, “Kalimutan na lang po natin na nangyari ’to.”
Hindi ko na hinintay ang kanyang sagot.
Mabilis akong tumalikod at tinahak ang daan papasok sa kubo, dala ang bigat ng isang damdaming kailangang talikuran, kahit masakit.
https://www.youtube.com/watch?v=JGawVBxKPmM
Kabanata 35
P A L I T A W
“So…” ani ni Baste, nakasandal sa bukas na bintana ng puting van, “I’ll see you when I see you.”
Ngumiti siya, iyong tipong may halong biro at panghihinayang.
“Manila is not that big. A minute drive lang ang layo ng university niyo sa medical centre.” Nakangiti pa niyang dagdag bago ito tuluyang sumakay sa puting van.
Nandito kami ngayon sa paanan ng hagdan-hagdang palayan ng Chaya, sa gilid ng mabatong kalsada.
Ngayon ang araw ng pagbalik ng mga doktor sa siyudad. Kanina ay nagkaroon pa ng maikling presentasyon ang mga taga-rito bilang pasasalamat sa isinagawang medical mission.
Iilan lang kaming naiwan dito sa baba upang ihatid sila hanggang sa sasakyan. Sina Ghon at Amir ay abala pa rin sa pagsasakay ng ilan pang gamit ng mga doktor sa van. Si Tita Lola naman, kasama ang lalaking iyon, ay patuloy sa pamamaalam kay Doktora Marel.
Habang ako ay maliit ang aking ginawang pagkaway kay Baste na ngayon ay nakasilip na sa bintana.
“Accept mo ako sa Framebook, Cali. I already sent you a friend request,” nakangiti niyang wika.
Tumango lang ako, bahagyang nahihiya.
“Hindi na ba kita mapipigilan?”
Napalingon ako sa kanan nang marinig ko ang tinig ni Tita Lola. Hawak-hawak niya ang kamay ni Doktora Marel, halatang ayaw pa rin siyang paalisin.
“Tita Lola…” malambing na tugon nito. “Gustuhin ko man, pero hindi puwede. Kailangan din po ako doon,” wika nito.
Napatango na lamang ang matanda, bagaman bakas pa rin sa mukha niya ang lungkot.
Saglit akong napatingin kay Bossing na mabilis ding napaiwas nang mapansing nakatingin pala siya sa akin.
“Babalik naman po ako next month, Tita Lola,” dagdag pa ni Doktora Marel.
Walang nagawa ang matanda kung ’di napatango na lamang kasabay noon ay ang pagyayakapan nilang dalawa.
“Cali,” muling pagtawag ni Baste.
“Hmm?” tugon ko, sabay lingon.
“Here,” ani niya, may iniaabot mula sa may bintana.
Humakbang ako papalapit sa kanya.
“I came from Thailand last week,” biro niya, “I think this is enough for you to remember me.”
Inabot niya sa akin ang isang maliit na itim na pakete ng seaweed at isang elephant keychain.
Napangiti ako habang tinatanggap ang mga iyon.
“Thank you,” sabi ko.
“I understand now,” bigla niyang sabi, tila may sariling naisip.
“Ha?” kunot-noo kong baling sa kanya.
Hindi agad siya sumagot. Sa halip, ibinaling niya ang tingin sa likuran ko.
Dahan-dahan ko ring sinundan ang direksyon ng kanyang mga mata.
At doon ko nakita si Bossing.
Nakatayo lamang siya ilang hakbang ang layo, tahimik, tuwid ang tindig, ngunit seryoso ang tinging nakatuon sa amin.
Mabilis akong bumalik ng tingin kay Baste.
“I think…naunahan lang talaga ako,” pahabol niyang wika, may bahid ng mapait na ngiti.
Hindi ko alam kung ano ang isasagot.
Kaya napangiti na lamang ako ng bahagya.
“Just go for it, Cali…” dagdag niya, mas marahan na ngayon ang boses. “Just be honest with yourself.”
Naintindihan ko ang ibig niyang sabihin.
Ngunit imbes na magsalita, tumango na lamang ako.
Nagtagal pa ng ilang minuto ang pamamaalam, mga huling bilin, ngiti, at pasasalamat, bago tuluyang umandar ang puting van at dahan-dahang mawala sa aming paningin.
“Cali! Let’s go!” tawag ni Ghon.
Napalingon ako sa likuran.
Malayo na pala ang agwat nilang tatlo, akay-akay nilang dalawa ni Amir si Tita Lola na ngayon ay dahan-dahang tumatawid sa makipot na daan pabalik sa Chaya.
Huminga ako ng marahan at naghanda nang humakbang pasunod sa kanila.
Ngunit hindi pa ako nakakalayo nang may humablot sa aking kanang kamay.
Napahinto ako.
“Cali.”
Siya.
Dahan-dahan akong napalingon.
Hawak pa rin niya ang kamay ko.
At sa sandaling iyon, muli kaming nagkatitigan.
Mata sa mata.
Diretso akong tumingin sa kanyang mga mata, mga matang may gustong sabihin, may gustong aminin, ngunit tila hindi malaman kung paano sisimulan
Hindi ako umiimik. Hinihintay kung anong salita ang lalabas sa bibig niya.
“Ah…ano…” utal niyang simula.
Hindi napuputol ang tingin ko sa kanya, ngunit siya ngayon ang umiiwas.
“Yung nangyari kagabi…ano…” tuloy niyang wika halatang nagdadalawang isip na magsalita.
“Cali, mainit! Halika na!” pagtawag iyon mula kay Tita Lola na ngayon ay pinapayungan ng dalawa.
Muli akong bumaling ng tingin sa kanya na para bang may biglang pumutol sa pagitan namin.
Dahan-dahan kong ibinaba ang tingin sa kamay niyang nakahawak pa rin sa akin.
Maingat ko iyong inalis.
Hindi ko na hinintay ang susunod niyang sasabihin.
Tumalikod ako at sinumulan ang paghakbang, hindi ko na rin siya muling nilingon.
“Pasunod na po!” sagot ko kay Tita Lola.
“What’s this again, Tita Lola?” tanong ni Ghon sa kanan ko.
“Palitaw.” Nakangiting sagot ng matanda.
Nandito kami sa ibabaw ng papag sa ilalim ng kubo dito sa sentro ng Chaya. Nasa gitna ako nila Ghon at Amir habang patuloy naming kinakain ang ginawang palitaw ni Tita Lola.
Puting-puti ang pabilog, malapad, at malambot na kakaning balot na balot sa kinayod na niyog.
Kanya-kanya kaming hawak ng platito habang kumakain sa harap ni Tita Lola, na para bang aliw na aliw sa panonood sa aming mukhang sarap na sarap sa kanyang niluto.
“This is my first time eating this kind of rice cake,” ani ni Ghon habang may laman pa ang bibig, “This is really good, Tita Lola.”
“Mabuti naman at nagustuhan mo, Ghon” natutuwang tugon ng matanda.
“Lagyan mo nito,” ani ni Amir sa kaliwa ko.
Bago pa ako makatanggi, nilagyan na niya ng milk powder ang hawak kong palitaw.
Hindi na ako nagprotesta. Isinubo ko ang nilagyan niya.
Napangiti ako. “Masarap nga,” tumango-tango naman si Amir.
“Masarap ba, Cali?” nakangiting untag ni Tita Lola.
Tumango ako, “Opo, masarap po.” Nakangiti kong tugon.
“Wala bang ganyan sa Maynila?” usisa niya.
“Meron pong nagtitinda ng ganito sa labas ng university, hindi lang ganito kasarap tulad ng gawa niyo.” Tugon ko sa kanya dahilan para mas lumapad ang ngiti ni Tita Lola.
“Madali lang lutuin ang palitaw,” malumanay na wika nito sa akin, “Gusto mo bang turuan kita kung paano lutuin?” suhestiyon niya.
Tumango ako bilang pagsang-ayon.
Mas lumapad ang ngiti ni Tita Lola.
“Paborito ’yan ni Bossing mula noong bata pa siya. Bigay ko sa ’yo ang recipe ko, para mapag-gawa mo siya kung ginusto niya.” Lahad naman ng matanda.
Hindi ako nakaimik.
“Tama ba, Bossing?” ang wika ni Tita Lola na ngayon ay nakatingin sa likuran namin.
Doon ay ramdam ko ang presensya niya sa likod naming tatlo nila Amir.
“Nganne, po?” malalim niyang tugon, kasabay ng marahang paghakbang niya paakyat sa papag.
“Imbagak ken Cali ya itudduk hiya an mun-hapit ituwen palitaw, ta mabalin an hiya di mangipahapit he-a.”
Hindi ko man lubos na naintindihan ang mga salita, parang may kung anong pamilyar sa paraan ng pagkakasabi ni Tita Lola, parang alam ko ang ibig niyang ipahiwatig.
Napatingin kaming tatlo nina Ghon at Amir nang maupo si Bossing sa harap namin, sa tabi ni Tita Lola.
At agad niyang ibinaling sa akin ang tingin.
Mabilis akong napaiwas at muling pinagtuunan ng pansin ang palitaw sa aking platito..
“Pinhod mu, Bossing? Alak-an daka hi platito?” tanong ni Tita Lola.
Kita ko sa gilid ng mata ko ang marahan niyang pag-iling.
“Busog pa ho,” sagot niya.
Ngunit kahit ganoon, hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa akin.
Muli akong napaiwas.
“Halos tatlong Linggo na kayo dito sa amin,” wika ng matanda, “Kumusta naman dito sa Ifugao?”
“It’s been great, Tita Lola,” sagot ni Ghon. “The place, the people, the food… if I had a choice, I’d live here.”
Napangiti ako at napatango bilang pagsang-ayon.
“Weh?” singit ni Amir. “Hindi ka nga marunong maglaba. Walang wifi dito, wala ring yaya, walang bar, walang nightlife.”
Napatawa si Ghon.
Ako naman ay naging malimit ang kilos dahil sa mga matang kanina pang naka-udyok sa akin.
Tila ba siya’y nanonood ng mga bidyo sa internet na nagmumukbang ng mga Filipino delicacies.
Kahit binabalingan ko siya ng tingin ay hindi niya inaalis ang kanya, para bang nakikipaglaban kung sinong unang susuko sa aming dalawa.
“Buti at hindi ka pa nangingitim, Cali,” puna ni Tita Lola.
Napangiti nalang ako.
“Lumalabas ka ba ng bahay niyo?” usisa pa niya.
Umiling ako.
“Nako, Tita Lola,” sabat agad ni Amir, “Taong-kweba ’yang si Cali. Ako pa ang pumupunta sa kanila. Pahirapan pang yayain na lumabas.”
Napangiti ang matanda.
“Halata nga sa kutis ni Cali,” nakangiti niyang turan, “Siguro ay maganda ang iyong ina. May kapatid kang babae, Cali?” muling usisa ni Tita Lola.
Pilit kong iniuudyok ang aking tingin kay Tita Lola, “Wala po. Dalawa lang po kami ng kuya ko.” Tugon ko sa kanya.
Muli kong pinagpatuloy ang pagtapos sa kinakain ko.
“Siya sige, kain lang kayo nang kain.” Wika ng matanda.
Nagpatuloy kami sa pagkain.
Makalipas ang ilang sandali, napansin kong naputol na rin sa wakas ang tingin ni Bossing sa akin.
Humarap siya kay Tita Lola.
“Imbagan Marel ya nangato di sugar yu. Baka mabalin an pababbahan yu,” seryoso niyang sabi.
“Oo nga po, Tita Lola,” agad na salin ni Amir. “Sabi ni Marel, kung puwede, bawas-bawasan niyo po ang sugar. Baka iyon po ang dahilan kung bakit madalas kayong mahilo.”
“’Wag niyo akong alalahanin,” natatawang sagot ni Tita Lola. “Mas malakas pa ako sa kalabaw.”
Bumaling ng tingin ang Bossing kay Amir.
“Iyayam mu udot dida duwan hidi, Amir. Munkalap kami ni Tita Lola.” Seryoso at tila utos nito kay Amir bago’t sumenyas pa.
Hindi ko man lubos na naintindihan ang sinabi niya, malinaw ang ibig niyang ipagawa.
Tumayo si Amir at sinenyasan kaming sumunod.
Kusa kaming tumayo ni Ghon upang bigyan ng espasyo sina Tita Lola at Bossing.
“Mumbaki can get sick?” usisa ni Ghon habang naglalakad na kami palayo sa kubo.
“Tao rin naman sila,” sagot ni Amir. “Nagkakasakit din.”
“May sakit ba si Tita Lola?” tanong pa ni Ghon.
Hindi sumagot si Amir.
Saglit akong napasulyap sa likuran.
Nandoon sina Tita Lola at Bossing, magkatabi, kapwa seryoso ang mukha habang nag-uusap.
At sa kung anong dahilan, bigla akong kinabahan.
“Kuya Cali!”
“Kuya Cali, laro tayo!”
“Ten twenty, Kuya Cali!”
“Tumbang preso ulit!”
Napaharap na lamang ako nang salubungin ako ng mga bata, sabay-sabay ang paghila at pagyayaya sa akin sa laro.
Kabanata 36
S I Y A
Katanghaliang tapat at tirik na tirik ang araw sa sentro ng Barangay Chaya.
Mataas man ang sikat ng araw, hindi ito gaanong dama dahil sa malamig na simoy ng hangin at preskong klima ng Ifugao.
Sa isang gilid ng sentro, abala sina Ghon at Amir sa pakikipaglaro ng basketball sa mga kabataan. Kitang-kita sa kanilang mga galaw ang pagiging varsity player dahil sa bilis, gaan, at sanay sa laro.
Sa kabilang banda naman, si Cali ay kasalukuyang nakikipaghabulan at batuhan ng tsinelas sa mga bata sa larong tumbang preso.
Sa loob ng halos tatlong linggo nilang pananatili sa Chaya, ang tatlong estudyanteng ito mula Maynila ay tila unti-unti nang naging bahagi ng payak ngunit masayang pamumuhay ng mga taga-Ifugao.
Patuloy man ang kasiyahan, iba naman ang pagkaseryoso ng usapan ng Bossing at ni Tita Lola sa ibabaw ng papag sa ilalim ng kubo.
Magkatabi silang nakaupo, kapwa nakatanaw sa mga nangyayari sa gitna ng sentro, sa tawanan, sa laro, sa mga batang walang ibang iniisip kundi saya.
“Unudon yu udot hi Marel. Para bo he-a yu ini. Mun-alla-ak hiya yu, apo.” -
“Makinig nalang po kayo kay Marel. Para po sa inyo
ito.
Nagaalala
po ako.“ Mabigat at puno ng pag-aalala ang tinig ng Bossing.
Ngumiti ang matanda, bago niya marahang inabot ang kanang kamay ng Bossing.
“Tanganu? Adi ka mun-alla hiya-k. Matanda-ak mo, ngem napigsa-ak mo pay hi kalabao.” - “Bakit naman? Huwag kang mag-alala,
matanda na ako. Mas malakas pa ako sa
kalabaw
.“ Natatawang wika ni Tita Lola.
Umiling ang Bossing, tila hindi nagugustuhan ang pagbibiro ng matanda.
Para bang ayaw niyang marinig ang mga salitang iyon.
Hinigpitan ni Tita Lola ang pagkapit niya sa kamay ng Bossing wari’y nais iparamdam na totoo ang kanyang sinasabi, at higit sa lahat, nais niyang iparating na hindi niya kailangang matakot para sa kanya.
“Matanda na ako,” nakangiti niyang wika. “Huwag mo nang sayangin ang oras mo para sa akin.”
Hinigpitan naman ng Bossing ang kanyang hawak kay Tita Lola.
“Ngadan di ibaga yu?” - “Ano pong ibig niyong sabihin?” tila ba may lungkot sa tono ng wika ni Bossing.
“Kayo nalang po ang meron ako,” dagdag niya rito.
Unti-unting nawala ang ngiti sa mukha ni Tita Lola, napalitan ng lambing at awa.
Umiling siya.
“Matanda na ako. Hindi natin masasabi…baka bukas, wala na ako. Matanda na rin si Tatay.”
Inabot naman ni Tita Lola ang kaliwang kamay ng Bossing, dahilan para hawak-hawak na niya ang mga kamay nito.
“Bata ka pa…” marahan niyang sabi.
“…mahaba pa ang buhay mo. Kaya kung mawawala kami, alagaan mo ang sarili mo. Mabuting humanap ka na ng kaagapay mo.” Ang nakangiting paalala ng matanda.
Hindi nakapagsalita si Bossing.
Mistulang sa mga sandaling iyon, ang kaharap niya ay hindi lang isang matanda, kung ’di ang taong naging kanlungan niya mula pagkabata. Ang taong nag-alaga, nagturo, umintindi, at tumayong ama at ina.
Kaya’t ang marinig ang mga salitang iyon mula kay Tita Lola ay parang tahimik na paalam na hindi niya kayang tanggapin.
Napailing-iling siya.
“Adi mabalin an ma-at hidi.” - “
Imposible
po na mangyari ’yon,“ tukoy ng Bossing sa sinabing maghanap na siya ng makakasama.
Napataas ang kilay ni Tita Lola.
“Paano naging imposible?” untag niya.
“Isa kang mumbaki, hindi isang pari.” Lahad ng matanda, “Kahit ako, kahit si Tatay, mumbaki pero nagkaroon kami ng asawa at anak.”
“Pero nag-asawa at nagkaanak si Apo Lumawig noong hindi pa siya isang ganap na mumbaki,” agad na tugon ng Bossing.
Nakangiting umiling si Tita Lola.
“Isa nang ganap na mumbaki noon si Tatay bago pa siya naging isang ganap na komander. Kahit naman ako, ganap na akong mumbaki bago pa ako nagkaroon ng asawa at anak.”
Tila ba natigilan ang Bossing, hindi alam ang sunod na sasabihin at babanggitin.
Tahimik na ngumiti si Tita Lola.
Pagkatapos ay hinanap niya sa paningin si Cali.
Nasa gitna ito ng mga bata, humahagikgik habang tumatakbo, hawak ang isang tsinelas, pawisan, magulo ang buhok, at halatang aliw na aliw sa laro.
Sa ilalim ng sikat ng araw, tila ba may sariling liwanag ang binata.
Parang isang anghel na nagkamaling mapadpad sa lupa.
Tahimik na pinagmasdan iyon ng dalawa.
Pagkaraan ng ilang sandali, dahan-dahang bumaling si Tita Lola kay Bossing.
Nangungusap ang kanyang mga mata.
“Bossing…”
Napalingon si Bossing sa kanya, seryoso ang mukha, wari’y naghihintay sa susunod niyang sasabihin.
“Alam ko…”
Huminto si Tita Lola, saka muling tumingin kay Cali.
“Alam ko na matagal mo na siyang hinihintay.”
Parang huminto ang mundo.
Hindi nakasagot si Bossing.
Ngunit sa katahimikang iyon, tila mas naging malinaw ang lahat.
“Wala nang oras para mag-aksaya pa,” marahang dagdag ni Tita Lola. “Huwag mo na siyang pakawalan.”
Sa mga salitang iyon, tila biglang naglaho ang ingay ng paligid.
Ang tawanan ng mga bata.
Ang tunog ng bola.
Ang yabag sa lupa.
Lahat ay nawala.
Tanging ihip ng hangin ang kanyang narinig.
At sa gitna ng dilim ng isipang matagal niyang ikinukubli, may isang bagay na biglang nagliwanag.
Isang katotohanang matagal na niyang iniiwasan.
Dahan-dahan siyang napatango.
At kasabay noon, may isa pa siyang narinig, ito ay ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso na parang yabag ng kabayong rumaragasa sa dibdib niya.
Tama siya.
Tama ang sinabi niya kay Marel bago ito umalis kanina.
“Marel,” mahinahon ngunit matatag niyang wika habang magkatabi silang nakaupo sa troso sa ilalim ng puno ng mangga, nakatanaw sa malawak na hagdang-hagdang palayan.
“Kaibigan lamang ang tingin ko sa ’yo. Wala ng
hihigit
pa
roon
.“
Hindi maikakaila na simula’t sapul ay may ibang nararamdaman si Marel para kanya. Noong una palang na isinama siya ni Amir sa kanila noon ay may pagtingin na ito sa Bossing.
Nang umalis si Amir sa Chaya, si Marel ang naging kaibigan ng Bossing mula sekondarya hanggang kolehiyo, kaya’t dumating sa puntong lumalim ang nararamdaman niya para dito.
“Hindi siguro ako sapat para sa ’yo,” nakangiti ngunit batid ang lungkot sa tugon ni Marel.
Umiling ang Bossing.
“Sapat ka,” agad niyang tugon. “Walang kulang at problema sa ’yo, walang mali.” wika niya.
Nakatingin lang si Marel sa kanya na wari’y inaabangan ang sunod na sasabihin nito.
“Ako ang may kulang…ako ang may problema,” mabigat niyang sabi.
“Hindi ko alam kung kailan nagsimula,” dugtong niya, mas mababa ang boses.
“Pero alam ko sa sarili ko… na sa una pa lang, may
nagmamay-ari
na nito.“
Marahan niyang idiniin ang palad sa dibdib.
Sa tapat ng puso.
“Pasensya na,” bulong niya. “Hindi ko agad sinabi sa ’yo… kasi kailangan ko ring
kumpirmahin
kung totoo.“
Tahimik si Marel.
Ngunit sa mga mata nito, kitang-kita ang takot sa sagot.
“Sino…?” halos pabulong nitong tanong. “Sino ang may-ari ng puso mo?”
“Bossing? Sali ka po sa laro namin? Para may kasama si Kuya Cali.”
Napabalik siya sa kasalukuyan at doon niya nakitang nakatayo na sa harap niya ang ilan sa mga bata, hinihila siya sa braso at sabik na sabik na pinapasali sa laro.
Wala na si Tita Lola sa tabi niya.
Hindi niya man lang napansin kung kailan ito umalis.
Dahan-dahan siyang napatingin sa gitna ng sentro at doon niya nakita si Cali.
Pawisan. Magulo ang buhok. Habol-hininga sa kakatawa na wari’y ngayon lang niya ito nakita na ganoon ang itsura.
Nakikipag-agawan ng tsinelas sa isang bata habang nakangiti nang buong-buo.
At sa sandaling iyon…naunawaan niya.
Hindi na niya kailangang sagutin pa ang tanong ni Marel.
Dahil ang sagot ay matagal na niyang pinagmamasdan.
Sino ba si Tita Lola? Sino si Apo Lumawig?
Bossing! Grabe ka na! Sino ba talagang may ari na ng puso mo?
Kabanata 37
S A
G O
T
Alas-singko na ng hapon dito sa Chaya.
Sa ilalim ng puno ng mangga, nakaupo kami ni Ghon sa troso, kapwa abala sa pagtipa sa aming mga laptop.
Sa harapan naman namin, nakahiga si Amir, parang walang pakialam sa mundo habang patuloy ang pagnguya sa hinog na mangga, ni hindi man lang kami inalok.
Matapos ang isinagawang interview sa sentro kaninang umaga tungkol sa history at livelihood ng mga taga-rito, ngayon ay halos hindi na kami makatayo sa aming pwesto sa kakagawa at pag-aayos ng papel para sa tatlong linggo naming pananatili sa Ifugao.
“Anong ganap natin ngayong Linggo?” tanong ni Amir, sabay bangon mula sa pagkakahiga. Umupo ito sa tabi naming dalawa ni Ghon, patuloy pa rin ang pagnguya.
Hindi ko siya nilingon.
Patuloy lang ang daliri ko sa paggalaw sa keyboard habang inaayos ang format ng dokumento.
“Mga rituals na ginagawa ng mumbaki,” tugon ko. “Tapos deep dive pa tayo sa culture nila.”
Diretso ang tingin ko sa screen, pero ang isip ko ay kung saan-saan na napupunta.
Sa harapan namin, unti-unti nang nagkukulay kahel ang kalangitan.
Ilang minuto na lang at tuluyan nang lulubog ang haring araw. Kasabay noon ay ang paglamig ng hangin na marahang dumadampi sa balat.
“We haven’t featured any spiritual things that they are using,” singit ni Ghon.
Tumango naman ako.
“The Bulul, I still remember the discussion of Professor Aldrin about that.” Patuloy ni Ghon, saglit ’tong tumigil at humarap kay Amir.
“Does Bossing have a Bulul?” usisa nito.
“Meron ’yon, baka nasa loob ng kubo niya.” Tugon naman nito.
Napahinto ako.
Saglit.
Hindi ko agad napansin na tumigil na pala ang mga daliri ko sa pagtipa.
Dahan-dahan akong bumaling ng tingin sa kanan, sa direksyon ng kubo niya.
Tahimik.
Walang galaw.
Walang presensya.
“I haven’t seen Bossing today, where is he?” wika ni Ghon.
Mula umaga rin ay hindi ko pa nakikita kahit anino niya.
Dahan-dahan kong ibinalik ang aking tingin sa laptop at pinagpatuloy ang pag aayos ng aming document.
“Baka pumuntang Maynila.” Tugon ni Amir.
“For real?” takang tugon ni Ghon.
“Malamang hindi,” mabilis na utas ni Amir.
“Malay ko kung nasaan ’yon, hindi naman nagsabi kung saan siya pupunta.” Dagdag pa nito na patuloy pa rin ang pag nguya, isang middle finger naman ang natanggap niya kay Ghon.
Saglit na katahimikan ang namutawi bago muling nagsalita si Ghon.
“What’s with you and Bossing, Cali?” usisa nito.
Hindi ako sumagot, patuloy lang ako sa pagtipa sa laptop.
Hindi ko alam kung anong isasagot ko sa kanila, dahil kahit ako ay hindi ko alam kung ano bang tama, kung anong dapat kong gawin at higit sa lahat kung ano bang dapat kong maramdaman.
Ngunit sa ngayon ay gusto kong sundin ang mga salitang binitawan ko sa kanya, salitang dapat sa una pala ay akin nang ginawa.
At ’yon ay ang kalimutan ang mga nangyari.
Kalimutan na para bang hindi nangyari ang mga bagay na ’yon.
Hindi ako bulag para hindi maramdamang gumagawa siya ng paraan para ipaintindi kung anong nangyari noong isang gabi, ngunit sa ngayon ay para bang hindi ko siya kayang harapin.
Mabuti nalang siguro muna na ilagak ko ang aking atensyon sa aming study, para mabilis na rin kaming matapos at makauwi.
“Cali,” untag ni Ghon, pinuputol ang takbo ng isip ko.
“For the respondent profile, what should we put for Tita Lola’s age?”
Hindi ko agad sinagot.
“To be honest,” dugtong niya, “She looks sixty…but the way she talks about the Japanese occupation…it’s like she was actually there.”
Napatango-tango na lang ako dahil totoo naman ang kanyang sinabi.
Kung paano magkuwento kanina si Tita Lola tungkol sa pananakop ng mga hapon dito sa Ifugao ay para bang alam niya lahat ng bawat detalye.
Parang nakita niya.
Parang naranasan niya.
“Sabi ko naman diba sa inyo na veteran si Tita Lola at si Apo Lumawig,” biglang singit ni Amir, tapos na niyang kainin at supsupin ang buto ng mangga.
Napatango ako dahil sa sinabi ni Amir, naalala ko nga ang banggit niya sa akin noon na veteran sila Tita Lola.
“Kung hindi ako nagkakamali ay ninety-four na si Tita Lola,” ang wika ni Amir na wari’y nag kokompyut pa sa kanyang isip, “Si Apo naman…” turan niya at doon pa nag-isip-isip.
“One hundred fourteen,” lahad nito sa amin.
“Ano?!”
“For real?!”
Sabay at gulat naming tugon ni Ghon na para bang hindi kami makapaniwala na ganoon na pala ang edad ni Apo Lumawig na hanggang ngayon ay kahit pag-ubo man lang ng matanda ay hindi ko pa naririnig.
“I haven’t even heard him talk…like, once.” Wika ni Ghon.
“Nagsasalita naman ’yon si Apo,” kibit-balikat na sagot ni Amir. “Malimit nga lang.”
Saglit siyang natahimik bago muling nagsalita.
“Hindi na raw siya nagri-ritwal, pero mumbaki pa rin siya. Pinasa niya ’yon kay Lolo Edgar…sila rin ang nagturo kay Bossing.”
Tumango-tango naman kami ni Ghon.
“Kung hindi ako nagkakamali, tanda ko pang kuwento sa akin ni Tita Lola na isang kumander ng tropa si Apo noon.” Saglit kaming bumaling kay Amir.
“Kumander ng tropa?” tanong ni Ghon.
“Yung sa mga sundalo, troop. Oo, troop commander,” paglilinaw ni Amir, “Sabi pa sa akin ni Tita Lola noon na sumasama siya dati kay Apo sa tuwing may ensayo ang tropa nila.”
Hindi ko malaman ngunit bigla nalang akong kinutuban.
Saglit kong ibinaling ang aking tingin sa harapan kung saan ang haring araw ay unti-unti ng lumulubog, na wari’y magpapahinga na para sa darating na laban bukas.
Patuloy ang pagkukuwentuhan ni Ghon at Amir, ngunit ako ay may sarili ng mundo at diskusyon sa aking isipan.
Isang bagay at tanong ang aking iniiisip…
“Hindi ba isang tadhana ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon?” na wari ko’y tama ang sinabi ni Mama na baka dito sa Ifugao, dito sa Cordillera ko mahanap ang sagot sa mga tanong na ilang taon na akong mimumulto.
Hindi lamang kay Bossing at sa akin konektado ang lahat ng mga panaginip na ’yon.
Maging ang kaibigan ni Emilio at Caloy na sila Bon at Zameer, na pawang si Ghon at Amir.
Ngayon ay si Apo at Tita Lola, na wari’y sumasalamin kay Commander Dela Torre at sa batang si Lin.
Napangiti na lamang ako, pakiramdam ko’y isang laro lamang ang lahat ng ito.
Thank you for reading! Don’t forget to vote and share this story with your friends!
Kabanata 38
M E L V I N & J E S S A
Lunes. Alas-sais ng umaga dito sa sentro ng Chaya.
Magkatabi kaming dalawa ni Ghon dito sa gilid kung saan tahimik na pinapanood ang kaliwa’t kanang pagiging abala ng mga tao rito kahit na hindi pa lubusang tumitirik ang haring araw.
Sa mahabang lamesang nakalatag sa gitna, abala ang mga kababaihan. Sunod-sunod ang paghihiwa at paggayat ng mga sangkap, iba’t ibang gulay na nakahilera, makukulay at sariwa.
Sa kabilang banda, hindi magkamayaw ang ingay ng mga baboy at manok na tila ba ramdam nila ang kanilang kapalaran habang patuloy ang ginagawa sa kanilang pagkatay.
Ang mga kalalakihan naman ay patuloy rin ang ginagawang pagkukumpuni ng sa tingin ko’y mga upuan at lamesa na gagamitin para sa okasyon. Patuloy din ang kanilang pagbibiyak ng kahoy na ginagamit na panggatong sa pagluluto na pansin naming sinisimulan na doon sa may eskinita.
Ang mga bata, binata, at dalaga ay hindi naglalaro.
Sa halip, hawak nila ang mga bao ng niyog, pinapakinis ang bawat isa.
“Para ito sa kasal,” paliwanag ng isang bata kanina . “Ito ang gagamiting tasa at mangkok.”
Hindi naman namin maiwasang tumingala dahil may mga taga-rito na ang inaayos ang tila higanteng payong, o tent na pabilog na wari mo’y nasa isang circus dahil sa laki at kulay nito.
Nang mapabaling ako kay Ghon ay walang humpay na rin ang ginagawa nitong pagkuha ng bidyo sa aming nasasaksihan ngayon.
Bukas ay mangyayari ang kasal sa anak ni Aling Berta.
Ngayon ay kasalukuyan naming hininhintay si Ma’am Jessa at ang kanyang asawa, napaunlakan nila kami para mainterbyu tungkol sa tradisyon ng kasal nila dito sa Ifugao at sa ilang mga paniniwala at kanilang kultura.
At masasabi kong ngayon palang sa preparasyon ay kitang-kita na talaga ang bayanihan ng buong mamamayan dito sa Chaya.
“Cali!” pamilyar na pagtawag sa aking pangalan.
Napalingon ako sa kaliwa at doon ko nakitang papalapit si Ma’am Jessa na ngayon ay preskong-presko ang itsura sa suot nitong puting blusa na wari ko’y masusing hinabi, habang nakasuot siya ng makulay na malong bilang pangbaba, isang modernong katutubong kasuotan, sa tabi niya’y isang lalaking naka pantalon at puting tshirt na tiyak ay asawa niya.
“Good morning po, Ma’am.” Ang bati ko ng makalapit sila sa harapan namin ni Ghon.
Inabot pa namin ni Ghon ang kanilang mga kamay bilang pagbati.
“Good morning po, ako po si Ghon.” Pagpapakilala naman ni Ghon sa dalawa.
Maaaliwalas ang kanilang mga mukha, batid kong masaya sila at excited sa gaganaping kasal bukas.
“Saan si Amir?” ang hanap ni Ma’am sa amin.
“Inutusan po ni Bossing,” tugon ko at tumango naman ito.
“Pasensya na at nahuli kami ha,” wika ni Ma’am Jessa. Mabilis kaming umiling ni Ghon, “Ano, tara?”
Napagdesisyunan na ang interview ay gaganapin sa may harapan ng bahay ni Tiyo Makmak kung saan sa likod ay malawak na taniman, sadyang tahimik doon kaya’t pinilit na lang na doon gawin ang interview.
“Ako si Jessa Dumangeng. Isa akong guro sa Maynila.”
Unang wika ni Ma’am Jessa na ngayon ay nakaupo na sa harapan namin katabi ang kanyang asawa, sa likod ay ang malawak na taniman ng palay ni Tiyo Makmak na sabi niya’y sa isang araw ay mag-aani na.
Tulad ng gawi, si Ghon ay nasa likod ko at patuloy ang pagkuha ng bidyo, habang ako naman ay ang nagbibigay ng mga tanong sa kanila.
“Dito sa Chaya ako lumaki. Dito ako nag-aral, natutong tumulong sa bukid, at dito ko rin narasan ang hirap ng buhay.” Malambing at nakangiting pagpapatuloy ni Ma’am sa pagpapakilala.
“Ako naman si Melvin Dulawan,” umpisa ng kanyang asawa, “Ako ay isang abogado. Sa Banaue naman ako nagmula.” Nakangiti rin at malambing ang baritong boses ni Sir Melvin.
“Paano po kayo nagkakilala?” ang tanong ko sa kanila.
Sabay silang napangiti na mistula hanggang ngayon ay tanda nila ang bawat detalye ng kanilang istorya.
“Nakilala ko si Melvin noong nag dok-ong siya.” Lahad ni Ma’am Jessa.
“Dok-ong, ito yung kaugalian o tradisyon dito sa Ifugao kapag may nililigawan ka. To be specific kapag nagbibigay ka ng panggatong na kahoy.” Pagpapaliwanag nito sa amin.
Napatango ako at doon muling nakinig.
“Nasa Manila ako noon ng sinabi sa akin ni Mama na may nagbigay nga ng kahoy, may nag dok-ong,” nakangiting patuloy ni Ma’am.
“Dito sa amin kapag nag dok-ong ka, at kapag gusto ka ng babae ay mag-uusap kayong dalawa. Pero kapag hindi naman gusto ng babae yung nag dok-ong, pwedeng bayaran niya yung mga kahoy na binigay.”
“Sa katunayan ay magkaibigan kasi ang aming mga magulang.” Nakangiting untag naman ni Sir Melvin.
“Noong kasagsagan ng pag-aani nila Mama Berta, sabi niya noon sa akin na kung single ba raw ako,” napatingin siya kay Ma’am Jessa na wari’y nahihiya siyang magkuwento.
“Iyon nga, sabi sa akin noon ni Mama na kung single ba raw ako. Sabi ko naman na oo, single ako. Kaya tinanong niya ako kung anong gusto ko, tumulong sa kanilang mag-ani o mag dok-ong. Kaya ang sabi ko ay mag dok-ong nalang, try ko lang.” Nakangiti at nahihiya niyang pagkukuwento.
“Noong parehas na araw na ’yon, sa tulong nila Tito, nag dok-ong ako.” Patuloy niya sa kuwento.
“Noong pauwi na kami sa Banaue, nag message ako sa kanya na…ma’am pasensya na at biglaan. Tapos noong nakauwi na ako, tumawag siya at sinabing…pwede bang mag-usap muna tayo.” Tila kinikilig na kuwento ni Sir Melvin.
“Sabi ko sa kanya noon na baka pwedeng tulungan ko siyang mag-review sa bar exam niya, kasi alam kong mabigat ’yon.” Wika ni Ma’am Jessa.
“Hanggang sa ’yon, gabi-gabi, video call. Doon nabuo yung friendship namin.”
“Hanggang sa pinuntahan niya ako sa Manila, nakituloy muna doon sa apartment. Nakapasa siya sa bar exam, hanggang sa dumating yung araw na tinanong ko siya kung anong plano niya sa aming dalawa…
“…hanggang sa sinabi niya na papakasalan niya ako.” Nakangiti at tila kinikilig ding pagbabalik tanaw ni Ma’am Jessa kung paano sila nagkakilala.
“Napag-usapan namin kung paano kami ikakasal,” ika ni Sir Melvin, “Kung civil wedding ba o yung tradisyonal.”
“Since pareho naman kaming may dugong Ifugao at nagsimula rin naman kami sa tradisyunal, napagdesisyunan naming gawin yung pang maramihan, ang Ifugao Wedding,” lahad ni Sir Melvin.
Patuloy lang kami sa pakikinig ni Ghon sa kanilang dalawa.
“Last month pa noong nagsimula yung hugror, ito yung paniningil sa mga kamag-anak ng parehas na ikakasal. Parang donation ba, tapos yung perang malilikom ay ito yung gagamiting pambili ng baboy, ng mga gagamitin sa pagluto.” Lahad ni Ma’am Jessa.
“Hindi lang kasi pang-pamilya yung kasal, hindi lang sila ang kakain. Mabigat ang Ifugao Wedding dahil buong barangay o minsan pa nga ay buong municipality yung pumupunta sa kasal.”
Napapatango na lang kami ni Ghon sa inilalahad nila.
“Dito sa Ifugao talagang tulong-tulong,” ani ni Sir Melvin.
“Pag magpapatayo ng isang bahay, buong barangay ang tutulong. Talagang may unity…”
“…kaya sa kasal talagang madami talaga ang nagtutulungan. Yung sistema ng Ug-ugfu ay talagang buhay na buhay, kapag may kailangan ka ay tutulungan ka, dahil kung sila naman din ang may kailangan ay tutulong ka.”
Napagdesisyunan namin na umikot sa sentro para maipakita ng ayos ang tinatawag na ug-ugfu.
Nandito kami ngayon sa kahabaan ng eskinita sa may harapan ng bahay at tindahan nila Aling Berta.
Mainit ang buong paligid, dahil dito sa eskinita ay kasakuluyang amoy na amoy ang pinaghalong usok ng malakas na apoy sa panggatong at sari-saring amoy ng mga putaheng tapos ng lutuin.
Isa sa aking ipinagtataka kung bakit dito sila sa masikip na eskinita nagluluto kung maari namang doon sa may sentro para mas maginhawa.
“Isa sa tradisyon at paniniwala na kapag magluluto ng pagkain sa kahit anong okasyon, kailangan ay may bubong.” Ang paliwanag ni Ma’am Jessa habang diretso ang tingin namin sa mga kalalakihang patuloy ang ginagawang pagluluto sa aming harapan.
Napatango ako.
“Hindi puwedeng sa open area,” dagdag niya. “Prohibited iyon sa ritwal. May paniniwala kasi na kapag diretsong umaakyat ang usok sa langit… nagdadala iyon ng malas.”
Saglit siyang tumigil.
“Minsan… kamatayan pa.”
Hindi ako agad nakaimik.
Napatingala ako sa manipis na usok na unti-unting kumakalat sa ilalim ng yero, umiikot, umiipon…pero hindi tuluyang umaakyat.
Parang pinipigilan.
“Ito, tikman niyo,” biglang sabat ni Sir Melvin, inaabot sa amin ang isang tasa na gawa sa bao.
“Narrot,” sabi niya. “Nilaga ’yan sa Tagalog.”
Nagkatinginan kami ni Ghon.
Sabay naming hinigop ang mainit na sabaw.
Agad akong napapikit.
Mainit. Malasa. May lalim ang timpla.
“Masarap ipartner ’yan sa Tapuey.” Suhestiyon ni Ma’am Jessa.
“Rice wine po?” ang aking wika dahil pamilyar sa akin ang tinatawag nilang Tapuey.
Para lamang iyong bigas na bagong saing at nilagyan ng kung anong fermented powder bago ito ibuburo ng tatlong araw.
“Is that sausage?” ang usisa ni Ghon sa tabi ko at doon itinuro ang parang bituka ng baboy na nakasampay mismo sa nauusukan.
“Pinuneg, a Cordilleran Pig blood sausage.” Ang ani ni Sir Melvin.
Sabay naman kaming napatango ni Ghon.
Ilang minuto pa naming inusisa ang paraan ng kanilang pagluluto, nag tanong-tanong pa kami sa ilang mga kalalakihang abala sa kanilang trabaho, at hindi rin napuputol ang aming pagnguya at pagkain ng ilang mga putahe dito.
Ngayon naman ay kasalukuyan kaming nasa gitna ng sentro dito sa ilalim ng malaking pabilog na tent.
Saglit na nagpapahinga habang pinapasadahan ng tingin ang gilid na makikita ang patuloy na pag gagayat ng mga kababaihan sa mga sangkap sa pagluluto.
Ang iba naman ay sinisimulan ng ayusin ang sound system sa may lapit ng kubo nila Tita Lola na tiyak mamayang gabi ay gagamitin sa sayawan at kasiyahan.
“Lahat ng nandito sa community, hindi lang yung basta tumulong kahit lahat ng mapapadaaan, mga bata, matanda, kahit pa turista ay aming pinapakain.” Si Ma’am Jessa.
“Kumain na ba kayo?” nandito ngayon si Aling Berta sa aming tabi na kasakuluyang kumakain.
“Opo,” tugon ni Ghon at ako naman ay tumango.
“Lahat ng tao dito ay pinapakain, ganito ang tradisyon sa Ifugao.” Nakangiting wika ni Aling Berta.
“Sa katunayan, itong mga kanin na ito. Ito yung bigas na inimbak naming mag-asawa noong baby pa si Jessa. Twenty-seven years na rin mahigit.” Lahad nito na ikinagulat naming dalawa ni Ghon.
Napapangiti nalang ako sa aking nasasaksihan dahil hindi lang basta ito kasal, mula umpisa hanggang dulo ay parang pinag isipan, lahat ng kuwento ay talagang nakaugat sa kanilang kultura at paniniwala.
“Mamayang gabi ay mas masaya,” nakangiting singit muli ni Ma’am Jessa.
“Makihalubilo kayo mamaya sa tukor. May sayawan, tawanan, may laro, tapos may mga ritwal na gagawin ang mumbaki mamaya. Magdamag ’yon hanggang sa oras ng kasal.”
Kabanata 39
T U K O R
Alas-diyes na ng gabi.
Sa mga normal na araw, wala nang taong makikitang pagala-gala dito sa Barangay Chaya. Ngunit sa mga oras na ito, tila ba ngayon pa lamang magsisimula ang kasiyahan para sa mangyayaring kasalan bukas.
Walang humpay ang tawanan, hiyawan, kuwentuhan, at kumustahan ng mga taong nagkakasiyahan sa ilalim ng malaking bilog na tent.
Mistula’y ginawa nilang engrandeng family reunion ang okasyong ito. Sobrang liwanag din ng paligid dahil sa mga pailaw na naka-set up sa buong sentro.
Nandito ako ngayon, nakaupo sa papag sa ilalim ng kubo nila Tita Lola dahil kanina pa ako nakakaramdam ng sakit at ngalay sa aking mga paa.
Halos maghapon naming inikot ni Ghon ang buong Chaya, maghapong nakihalubilo, maghapong nag-interview, at maghapong walang humpay ang pagkakaroon ng bagong impormasyon tungkol sa kultura at pamumuhay ng mga taga-Ifugao.
Pagod at antok na ang aking nararamdaman ngayon.
“Where have you been?!” tila inis na wika ni Ghon sa tabi ko nang makita naming papalapit si Amir na ngayon lang namin ulit nakita.
“Pasensya na,” napapakamot-ulong salubong niya sa amin. Tumayo ito sa harapan, wari’y pagod na pagod din sa kanyang ginawang paglisan.
“I thought you abandoned us,” tila pagtatampo ni Ghon.
“Abandoned? OA mo!” singhal nito. “Si Bossing kasi, ang daming pinagawa sa akin,” segunda niya bago bumaling ang tingin sa akin.
“Okay ka lang, Cali?” tanong nito.
Umiling ako dahil pagod na talaga ang aking nararamdaman.
“Balik na tayo sa taas?” suhestiyon nito.
Muli akong umiling, “Bago palang magsisimula yung tukor. Sayang naman kung hindi natin makikita.”
Bago pa makasagot si Amir ay doon na sunod-sunod ang rinig naming pagtambol sa gong na hudyat na magsisimula na ang tukor.
Nalaman namin kanina kay Lolo Edgar na bago opisyal na magsimula ang tukor, ay may ginagawa muna ang mga matatandang Ifugao kasama ang ilang mga mumbaki.
Pag-aalay ng mga dasal, manok, at ritwal sa tinatawag nilang Kabunian, na sa kanilang kultura ay ang pinakadakilang bathala o supremong diyos.
Nasaksihan namin kanina ni Ghon kung paano nila binubulungan ang mga manok na hawak nila, na wari ko’y iyon na ang dasal at ritwal.
Hindi namin maiwasang magulat noong sinimulan nilang palu-paluin ang manok hanggang sa mamatay ito. Matapos noon, nakita naming sinunog nila iyon sa apoy hanggang sa mabalatan, at kalaunan ay kanilang kinain.
Isang senaryong talagang tumatak sa aming isipan at paningin, na may ganoon pala talagang klase ng paniniwala.
Matapos ang pag-aalay, ay may ginawa silang tinatawag na Manigop, kung saan ito naman ang huling dasal bago talaga magsimula ang tukor.
Ang dasal o ritwal na Manigop ay humihingi ng gabay upang maging matagumpay ang okasyon.
Hindi na namin inantay pa ni Ghon matapos ang ritwal dahil masakit na talaga ang aking paa isama pa ang kirot sa aking binti.
Ang aming paningin ngayon ay nakatuon sa unahan, kung saan ang mga kalalakihan ay nagsisimula nang umikot sa gitna habang patuloy ang pagtambol sa gong.
Suot nila’y mga pang-katutubo na sa tingin ko ay baliwala sa kanila ang lamig ng klima ngayon.
“Pattong. Ang tawag diyan ay pattong,” wika ni Amir habang diretso ang aming tingin sa harapan. “War dance,” segunda pa niya.
Inilibot kong muli ang tingin sa paligid ng sentro at doon ko kitang mas dumadami na ang tao, pansin ko rin ang sobrang habang pila kung saan doon nagmumula ang mga pagkain.
Sa gilid naman ay may mga kalalakihan ng kanina pa nagsisimula sa ginagawa nilang pag-iinom ng alak, sa kabilang banda ay hindi pa rin tapos ang mga kababaihan sa ginagawa nilang paggagayat ng mga sangkap sa pagluluto.
Mistula isang piyesta at circus ang meron ngayon dito.
Muling bumalik ang aking tingin sa gitna, kung saan mas dumami na ang umiikot habang patuloy ang kanilang pagsayaw sa ritmo na wari’y ginagabayan sila kung ano ang susunod na hakbang.
Ang kanilang mga kamay at paa ay sumasabay sa bawat hampas ng gong.
“That’s Ma’am Jessa and Sir Melvin,” untag ni Ghon at napatayo pa.
Nakita naming sumasabay na sa sayaw at indayog ang dalawang mag-asawa sa gitna.
Pansin din naming binigyan sila ng espasyo ng mga tao. Malawak ang pagkakangiti nilang dalawa, wari’y masayang-masaya sa okasyong nagaganap. Ang kanilang indayog ay sabay na sabay sa ritmo ng gong na para bang mga ibong sumasayaw sa gitna.
’Di ko namamalayan na napapangiti na lang ako sa aking nasasaksihan.
Dahil napakaganda, sobrang ganda ng kanilang kultura.
“Tara? Sali tayo?” biglang yakag ni Amir.
Bumaling ng tingin sa akin si Ghon, “But…”
“Kaya ko, sige na pumunta na kayo.” Nakangiti kong tugon kay Ghon.
Bago pa ako makapikit ay nakita ko na lang ang dalawa na ngayon ay nasa gitna ng sentro at doon sumasabay sa sayawan at indakan ng mga taga-rito.
Muli nalang akong napangiti sa aking nasasaksihan habang pinipigilan ang hapdi at sakit ng aking binti at paa.
“Caloy.”
Isang hindi pamilyar na boses ang nagsalita sa aking likuran.
Dahan-dahan akong tumalikod. Hindi ako nagkamali kung sino ang tumawag na iyon.
Tumambad sa akin ang anyo ng isang matandang lalaki na ngayon ko lang ulit nakita, payat, bahagyang kuba, ngunit matalim at buhay na buhay ang kanyang mga mata.
Kahit madilim sa ilalim ng kubo, kitang-kita ko ang suot niyang tradisyunal na kasuotan.
“Apo…” mahina kong sambit. Halos hindi ko namalayang lumabas sa aking bibig ang salitang iyon.
Si Apo Lumawig.
Nakatitig siya sa akin, hindi kumukurap, na para bang hindi lang ako ang kanyang nakikita, kung ’di ang isang bagay na matagal na niyang hinahanap.
“Caloy…” muli niyang pagtawag na wari ko’y ito ang unang beses ko siyang narinig na nagsalita.
Nanlamig ang aking buong katawan.
Hindi ko alam kung paano gagalaw.
Hindi ko alam kung paano sasagot.
“Apo…si Cali po ako,” nakangiti at nagtataka kong tugon, kahit na sa loob-loob ko ay tila may bumubulong na tama siya.
Ngumiti siya, isang ngiting may halong lungkot at katiyakan.
“Alam ko…” mahinahon niyang tugon.
“Alam kong bumalik ka rin.”
Parang may kung anong kumalabit sa puso ko sa kanyang sinabi na para bang hindi totoo ang nangyayari ngayon.
“Matagal ka naming hinintay…” dagdag pa niya, hindi siya kumukurap na kahit ’ata paghinga ay hindi niya ginagawa.
“Matagal ka niyang hinintay…” may kahulugang wika pa nito.
Hindi ako makapagsalita.
“Hindi aksidente ang pagdating mo rito,” pagpapatuloy ni Apo.
“Ang lupa…ang mga alaala…hindi sila basta nawawala.”
Hindi ko alam ngunit napakapit na lang ako sa aking damit.
“Ano pong ibig niyong sabihin?” taka kong tanong sa kanya.
Huminga siya ng malalim, saka tumingin muli sa akin, diretso, matalim, ngunit puno ng pag-unawa na wari ko’y dapat kong mabasa kung ano bang iniisip niya.
“May mga pangakong hindi natupad,” wika niya. “At may mga pusong hindi natapos ang kwento.”
Tumahimik ang paligid sa pandinig ko.
“At ngayon…” bahagya siyang ngumiti, “…binigyan kayo ng pagkakataon na tapusin ’yon.”
Napalunok ako.
At sa hindi ko malamang dahilan ay may kung sinong tumatapik sa balikat ko habang paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ko.
“Cali? Cali?” boses iyon ni Tita Lola.
“Bangon ka diyan, malamig. Malalamigan ka. Ipapahatid kita pataas, para makatulog ka nang maayos.” Malambing niyang wika.
Dahan-dahan kong binuksan ang aking mga mata.
Nananaginip lang pala ako.
Panaginip lang pala ang pag-uusap na iyon.
Dahan-dahan akong bumalikwas ng pagkakahiga dito sa papag sa ilalim ng kubo nila.
Nagkusot-kusot pa ako ng mata bago dumiretso ng baling kay Tita Lola.
“Tita Lola,” pagtawag ko.
Ngumiti siya sa akin, “Sarap na ng higa mo. Ginising na kita, baka lamigin ka.”
Napatingin ako sa aking suot na smartwatch. Alas-tres na pala ng madaling araw, ngunit ang kasiyahan sa aking harapan ay para bang hindi natatapos.
Hinanap ko sa aking paningin si Ghon at Amir.
“Nasa likod mo ang dalawa, tumba na.” Nakangiti at tila natatawang wika ni Tita Lola.
Mabilis naman akong bumaling ng tingin sa likod at doon ko nga nakita ang dalawa na magkayakap habang taklob-taklob ng kumot. Mahimibing na ang kanilang tulog na mistula mga tatay na lasing na lasing.
Napakamot na lang ako ng ulo sa aking nasasaksihan.
“Hayaan mo na sila diyan, mga barako naman ang mga ’yan.” Natatawa niyang wika bago ako bumaling sa kanya.
“Para makapagpahinga ka ng maayos, ayun si Bossing…” bahagya siyang tumuro sa likod.
Napatingin ako at doon ko nga siya nakita.
Nakatayo sa gilid, seryosong pinagmamasdan ang buong kasiyahan sa kanyang harapan.
“Sabay na kayong tumaas ni Bossing, para makapag-pahinga ka na rin, “ suhestiyon ni Tita Lola.
Doon ko kitang dahan-dahang bumaling ng tingin ang Bossing dito sa pwesto namin.
Kabanata 40
I S T O R Y A
Bawat paghakbang ko sa batong hagdan pataas ay napapakagat na lamang ako sa labi dahil sa hapdi at kirot ng aking paa at binti. Ngalay na ngalay na ang mga ito, ngunit pilit kong itinatago sa kanya.
Ayokong magmukhang mahina, kahit na sa totoo lang ay bawat galaw ko ay tila may kapalit na sakit.
Kasalukuyan na naming binabagtas ang daan pataas sa aming tinutuluyan. Siya ngayon ay nasa aking unahan, bitbit ang lampara na nagsisilbing ilaw sa aming dinadaanan.
Nakakalayo na rin kami mula sa sentro, ngunit dinig pa rin dito ang mga tugtugan at kasiyahan mula sa baba.
Bawat hakbang na aming ginagawa ay sumasabay sa ingay ng huni ng mga kuliglig, ingay ng ihip ng malamig na hangin na para bang gusto ko na lamang magpatangay dahil sa hiya na hindi ko alam kung bakit ko nararamdaman.
Hindi ko maiwasang mapagmasdan ang kanyang malapad na likuran.
Suot niya ang kulay puting longsleeve na tila kumikislap sa liwanag ng buwan. Sa bawat galaw niya, kitang-kita ang kumpiyansa sa kanyang mga hakbang dahil matatag ito, at walang pag-aalinlangan.
Para bang kabisado na niya ang daan kahit hindi niya ito tinitingnan
Mula noong nag-umpisa kaming maglakad pataas ay wala ni isang salitang lumalabas sa aming mga bibig.
Tanging mga paghinga lamang ang maririnig, mga paghingang alam kong hindi lang dahil sa pagod, kung ’di dahil pareho naming pinapakiramdaman ang presensya ng isa’t isa.
Sa patuloy naming pag-akyat ay patuloy rin ang paghapdi ng aking mga binti, ang utak ko’y bumubulong na gusto ko ng humiga ngunit ang aking mga paa at binti ay sumusuko na. Hindi ko na kinaya.
“Teka lang,” mahina kong bulalas.
Ngunit hindi siya tumigil. Nagpatuloy lamang siya sa pag-akyat, na para bang hindi niya narinig ang sinabi ko.
Hindi ko na iyon pinansin pa.
Hindi ko na talaga kaya. Kung pipilitin ko pang humakbang kahit isa, baka tuluyan na akong mawalan ng balanse at mahulog sa matarik na hagdang ito.
Saglit akong tumungo, saka pinisil-pisil ang aking mga hita, umaasang kahit papaano ay mabawasan ang kirot. Ngunit lalo ko lamang naramdaman kung gaano ako kapagod.
Ilang segundo ang lumipas nang maramdaman ko ang kanyang presensya sa aking harapan.
Dahan-dahan kong itinaas ang aking tingin at doon ko siya nakitang nakayuko.
Nakatalikod siya sa akin, ngunit ang kanyang postura ay malinaw dahil nakahandang magpasan, tila ba may bubuhatin na para bang sanay na sanay siya sa ganitong gawain.
Tinitigan ko lamang ito at hinintay ang kanyang pagsasalita.
“Sakay,” seryoso at baritonong wika niya.
“Bossing?” kahit alam ko na ang ibig niyang iparating, napatanong pa rin ako.
“Sakay.” Matipid at diretso ang kanyang utos.
“Mabigat ako, Bo-”
“Sumakay ka na.”
Wala nang puwang para tumanggi. Sa paraan ng kanyang pagsasalita, alam kong hindi na iyon utos, pakiusap na iyon.
Hindi ko namalayan kung paano, ngunit nakita ko na lamang ang aking sarili na inaayos ang aking posisyon sa kanyang likuran.
Dahan-dahan kong inilingkis ang aking mga braso sa kanyang mga balikat, yakap na yakap ang kanyang likod.
Napasinghap ako nang maramdaman kong inayos niya ang aking pagkakapwesto. Ramdam ko ang kanyang kaliwang braso na sumuporta sa aking hita, matatag at maingat na para bang sinisigurado niyang hindi ako malalaglag.
Muli niyang inayos ang aking pagkakapasan, dahilan upang mapadikit ang aking mukha sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha.
Saglit akong natigilan.
Doon ko nasilayan ang kanyang malamlam na mga mata, na may repleksyon ng liwanag mula sa lamparang hawak niya sa kanyang kanang kamay.
Tahimik, ngunit may kung anong lalim na hindi ko maunawaan.
Hindi ako nakaimik. Sa lapit ng aming mga mukha, parang biglang naging mabigat ang bawat paghinga ko.
Napalunok na lamang ako.
At saka ko naramdaman ang kanyang unti-unting paghakbang pataas.
Sa bawat paghakbang niya ay doon ko rinig ang malalalim niyang paghinga, hindi ko naman maiwasang maamoy ang kanyang katawan dahil sa lapit nito sa akin.
Lalaking-lalaki ang amoy nito, malinis, at tila may halong pabango na hindi ko matukoy kung ano.
Sa hindi ko maipaliwanag na paraan, ang hapdi sa aking paa at binti ay tila unti-unting naglaho.
Parang sa bawat hakbang niya, nababawasan din ang sakit na aking nararamdaman.
Napapikit ako sandali, hinahayaan ang sarili kong sumabay sa ritmo ng kanyang paglakad.
Napapailing na lamang ako sa sarili ko bago muling iminulat ang aking mga mata at itinuon ang paningin sa itaas, sa aming tinutuluyan, na tila unti-unti nang lumalapit sa bawat hakbang niya.
“Salamat,” mahina kong wika nang makarating kami sa kubo dito gitna.
Sa kaliwang bahagi ng mesa kung saan madalas umupo si Amir ay doon niya ako dahan-dahang pinaupo, patalikod sa lababo at lutuan.
Para bang sinigurado niyang maayos ang aking pwesto bago siya kumilos.
Hindi na siya tumugon, tahimik lamang siyang umikot at humakbang papunta sa aking likuran.
Dahan-dahan kong ibinaling ang aking ulo, at doon ko siya nakitang pinaapuyan ang lutuan.
Anong gagawin niya? Tanong ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang kanyang kilos, nakatalikod ito sa akin.
Maya-maya pa ay nakita kong nag-gagayat ito ng luya, sili, at bawang.
Magluluto
ba siya? Anong oras na? Muli kong tanong sa aking sarili.
Nang mapansing lilingon siya, mabilis kong ibinalik ang aking tingin sa harapan, kunwaring abala sa pagpisil-pisil ng aking hita.
Bumalik na naman ang kirot o baka mas ramdam ko lang dahil sa katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Ilang segundo pa ang lumipas bago ako muling sumulyap sa kanya.
Ngayon ay inilalagay na niya ang mga ginayat sa kaserola at hinahalo-halo gamit ang sandok.
Ang tunog ng kumukulong tubig at ang matapang na amoy ng mga sangkap ay unti-unting kumalat dito sa espasyo ng kubo.
Nagtagal pa ng ilang minuto ang tahimik kong pagmamasid sa kanyang kilos.
Hanggang sa kumuha ito ng baso sa stante at doon ko kitang pinatay na niya ang apoy sa lutuan, bago niya isinalin ang para bang pinakuluan ng mga luya, sili, at bawang.
Mabilis akong umayos ng upo nang lumapit siya. Pumwesto siya sa upuang madalas niyang inuupuan kapag sabay-sabay kaming kumakain, sa kanang bahagi ko.
Seryoso ang kanyang mukha nang ilapag niya sa harapan ko ang puting tasa na naglalaman ng kung anong pinakuluan niya.
Nakatingin lang ako sa kanya habang inaayos niya ang kanyang upo.
At nang tuluyan siyang humarap sa akin, doon ko naramdaman ang bigat ng kanyang titig.
Diretso, hindi kumikibo, na para bang may gusto siyang iparating na hindi niya kayang sabihin sa salita.
“Subukan mong inumin,” malalim ngunit may lambing niyang wika.
“Ano po ito, Bossing?” tugon ko sa kanya.
“Pinakuluang luya, sili, at bawang,” diretso niyang sagot sa akin. “Para ’yan sa kirot ng binti mo.”
Napatango na lang ako, napangiti ng maliit dahil sa kanyang ginawa.
Dahan-dahan kong inabot ang tasa.
“Subukan mo lang. Dahan-dahan at mainit,” paalala niya sa akin habang diretso lang ang tingin sa aking kilos.
Gamit ang aking dalawang kamay, dinampot ko na ang tasa at doon ito inilapit sa aking bibig para humigop ng pinakuluan niya.
Hinipan ko pa ito bago ako tuluyang humigop sa tasa.
Paglapat pa lamang ng pinakuluan sa aking labi ay parang pinapaso na agad ito sa init.
Nang tuluyan akong makahigop ay mabilis kong ibinaba ang tasa sa lamesa at doon sunod-sunod ang ginawang pag-ubo.
“Ang anghang!” atungal ko habang pinapaypayan pa ang aking labi, “Sana ay effective nga.”
Habang patuloy ang aking paghinga sa aking bibig ay doon ko nakita ang kanyang maliit na pagngiti na wari’y plano niya talagang gawin ito sa akin.
Napailing nalang ako habang pilit na pinapakalma ang anghang sa aking bibig.
Ilang minutong ganoon ang aking sitwasyon ng tuluyan ng nawala ang anghang na aking nararamdaman.
Napalitan naman ng hindi ko mawariang kaba dahil sa kanyang presensya, hindi napuputol ang kanyang pagkakatitig sa akin.
Sa mga sandaling ito ay tila mas lumakas ang huni ng mga insekto sa paligid. Mas lumamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat. At mas naging malinaw ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Diretso lang ang tingin ko sa kanya.
Napagtanto kong ngayon ko na lang pala ulit nakita ng malapitan ang kanyang matapang na mukha.
Ilang segundo pa kaming nagtitigan bago siya kumilos.
Dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang inuupuan, bahagyang lapit ngunit sapat upang maramdaman ko ang pagbabago ng distansya namin.
Hindi ako umiwas. Sinundan ko lamang ng tingin ang bawat galaw niya.
Muling nagtagpo ang aming mga mata.
At sa pagkakataong ito, mas malinaw na ang nais ipahiwatig ng kanyang mga mata, mas mabigat, mas tahimik, ngunit mas totoo.
“Puwede ba nating pag-usapan yung nangyari noong gabing ’yon?” hindi utal ang kanyang wika, diretso, at mistula desidido siyang ipaliwanag ang nangyari.
Kinakabahan man ay napatango nalang ako.
Diretso lamang ang tingin niya sa akin. Ramdam ko ang bigat ng katahimikan habang hinihintay ko ang susunod niyang sasabihin.
“Pasensya na…” unang wika nito. “Pasensya na kung nagawa ko sa ’yo ’yon.”
Napapalunok ito hudyat na alam kong kinakabahan din siya.
Ngunit base sa ekpresyon ng kanyang mukha ay talagang seryoso ito sa kanyang sinasabi.
“Alam ko…alam kong nabigla ka sa ginawa ko.”
Muling bumalik sa aking alaala ang nangyari noong gabing tila ba hindi siya ang kumikilos, parang may ibang presensya, parang may ibang nagdidikta sa kanya.
Napalunok rin ako at pilit na pinapakalkma ang aking sarili.
Hindi ko alam ngunit kinakabahan na ako sa oras na ito. Hindi ko na ramdam ang kirot sa aking binti dahil mas malakas na ang pagtibok ng puso ko.
Diretso ang tingin namin sa isa’t-isa.
“Pero gusto kong malaman mo na nagawa ko sa ’yo ang bagay na ’yon…”
Hindi pa man niya tuluyang nababanggit, alam ko na ang kasunod.
“…dahil may nararamdaman ako para sa ’yo, Cali.”
Isang malakas na ihip ng hangin ang tila sumabay sa kanyang pag-amin.
Sumagot ang mga kuliglig sa paligid, parang sila ang pumuno sa katahimikang iniwan ng kanyang mga salita.
Diretso at seryoso ang aking baling sa kanya. Na para bang hindi ipinapahalatang sumasabog na ang nararamdaman ko.
“Alam kong…alam mo ’yon, Cali.”
Hindi ko kinaya. Iniwas ko ang aking tingin at ibinaba ito sa puting tasa sa harapan ko.
Parang doon ko gustong itago ang sarili ko, kahit sandali lang.
Nag isip-isip muna ako bago ako muling bumaling sa kanya.
“May nararamdaman ka ba sa akin…dahil alam mong ’yon ang nararamdaman ni Emilio?”
Hindi ko alam ngunit iyon ang lumabas na salita sa aking bibig.
“Alam ko…at alam mong mga repleksyon tayo ng buhay nilang dalawa,” seryosong pagpapatuloy ko.
Kita ko ang dahan-dahan niyang pag-iling.
“Hindi..” mariin ngunit may lambing niyang pagtangi.
“…hindi sila ang rason kung bakit may nararamdaman ako para sa ’yo.”
Napalunok ako.
“Kung hindi sila…ano yung rason kung bakit ka tumigil?” patukoy ko noong senaryong bigla na lang tumunog ang radyo at humingi siya ng pasensya sa akin.
Napalunok din siya.
“Tumigil ako kasi alam kong mali…” sagot niyang malumanay at tila nag-iingat siya sa kanyang sinasabi.
“…mali kasi alam kong hindi ako ’yon…”
“…kung ’di si Emilio.”
Nakatitig lamang ako sa kanya at tahimik na nakikinig.
“Sa katunayan ay pareho nating alam,” patuloy niya.
“Pareho nating alam ang istorya nilang dalawa, parehong napapanaginipan, parehong nararamdaman, pareho tayong nasasaktan, at pareho nating nasaksihan kung paano nagwakas ang kanilang madugong istorya.” Ang paglalahad niya sa akin.
Wala akong ibang nagawa kung hindi itikom ang aking bibig at hayaan siyang magsalita.
“Ang totoo niyan ay matagal ko na siyang nakikita at alam kong matagal ka na rin niyang hinahanap…”
“…hanggang sa dumating ang panahong nalaman kong may koneksyon siya sa panaginip ko…”
“…ikaw, ako…tayo.”
Saglit siyang tumikhim, na para bang pinipigilan ang kung anong emosyon na gustong kumawala.
“…oo, alam kong mga repleksyon tayo ng kanilang istorya. Pero…”
Huminto siya.
“Pero tumigil ako kasi alam kong hindi ako ’yon…kung ’di si Emilio.”
“…at ayokong gawin ’yon dahil lang sa hindi pa tapos ang kanilang istorya. Kasi alam kong hindi tayo sila…”
Mas lalong tumibay ang boses niya.
“Hindi tayo si Emilio at Caloy, dahil may sarili tayong istorya. Ikaw bilang ikaw…at ako bilang ako.”
“Ayokong mangyari sa ating dalawa yung nangyari sa kanilang dalawa, ayokong maulit kung paano nagwakas ang kanilang istorya…”
Doon ko naramdaman ang pag-init ng aking mga mata. May kung anong unti-unting bumigat sa dibdib ko, hanggang sa tuluyan na itong umagos.
Hindi ko na napigilan.
Dahan-dahan kong inabot ang kanyang mga kamay. Ramdam ko ang bahagyang panginginig nito, hindi lang pala ako ang kinakabahan.
“Kaya humihingi ako sa ’yo ng pasensya kasi alam kong naging mali ang trato ko sa ’yo…” ang nangingilid niyang paghingi ng dispensa.
Umiling ako.
“Pasensya kasi…kailangan ko rin nito. Iniisip ko rin kung tama ba ang lahat ng desisyon ko…”
Napahigpit ang hawak ko sa kanyang kamay.
“Pareho tayo ng nararamamdan, Cali. Tama ba?” Seryoso at buong puso niyang pagtatanong sa akin.
Hindi ako nakasagot.
Ngunit ang aking mga mata ay nangungusap na para bang gusto kong mabasa niya ang sagot sa sa aking mata.
Ngumiti ako.
At doon, dahan-dahan niyang inilagay ang kanyang kaliwang braso sa likod ng inuupuan ko.
Hindi ako umimik. Hindi ako umiwas.
Napangiti na lang ako.
Ilang segundo pa…at naramdaman ko ang paglapit ng kanyang mukha. Alam ko kung anong mangyayari.
Sa kabila ng malamig na hangin at mas lumalakas na huni ng mga insekto, napapikit na lamang ako.
Hinayaan ko ang sarili kong sumabay sa kanya. Ramdam ko ang init ng kanyang paghinga sa dahan-dahan niyang paglapit.
At hindi ko na rin namalayang ako mismo ay unti-unti na ring lumalapit.
Hanggang sa maramdaman ko ang dahan-dahang pagdampi ng kanyang labi sa akin, malambot, mainit, at totoo.
Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto ang lumipas.
Basta ang alam ko, mahigpit ang kapit ng aming mga kamay na para bang ayaw na naming bumitaw.
Iba ang tibok ng puso ko. Hindi ko maipaliwanag, pero alam kong hindi na ito basta kaba.
Dahan-dahan kaming naghiwalay.
At nang iminulat ko ang aking mga mata…
Iba siya.
Parang hindi ang masungit at seryosong Bossing na nakilala ko.
Nakangiti siya, isang ngiting puno ng gaan, na para bang may matagal nang bitbit na bigat na tuluyan nang nawala.
Ang kanyang mga mata ay mapungay, ngunit malinaw ang emosyon at walang pag-aalinlangan.
Mabilis kong iniwas ang aking tingin, hindi dahil ayaw ko, kung ’di dahil hindi ko alam kung paano haharapin ang bilis ng tibok ng aking puso.
Ngunit ramdam ko pa rin ang mahigpit niyang hawak sa aking kamay.
“Matagal nang tapos ang istorya nila at wala tayong dapat ituloy…”
Napatingin ako sa kanya.
“…pero meron tayong sisimulan.”
At bago ko pa tuluyang maproseso ang kanyang sinabi ay muli niyang nilapat ang kanyang labi sa akin.
Kabanata 41
B I - U N G
Alas-diyes ng umaga dito sa sentro ng Chaya.
Nandito kami sa kaliwang bahagi ng basketball court, kung saan sa harapan namin ay ang mistulang engrandeng disenyo para sa okasyon na ito.
Ang pag-iisang dibdib nila Ma’am Jessa at Sir Melvin.
Makulay, mabulaklak, at punong-puno ng dekorasyon ang bawat gilid ng court. Talagang pinaghandaan ang araw na ito. Mula sa mga upuan at mesang ginawa kahapon ng mga kalalakihan, ngayon ay maayos ng nakaayos sa gitna at dinagdagan pa ng iba’t-ibang disenyo.
Sa unahang bahagi naman ay makikita ang dalawang upuan paharap sa nagsisilbing altar.
Hindi magkandamayaw ang aming paningin dahil nagsisimula na ang okasyon na ito.
Sa gitna ay nakalatag ang isang pula at mahabang carpet, habang sa gilid nito ay may mga kabataang nakasuot ng pang-katutubo habang nakaluhod at patuloy ang pagpalo ng gong na wari’y ito ang ritmo sa kung paano sila pumasok.
Hindi ko mapigilang mapangiti, dahil ang paraan ng kanilang paglalakad sa carpet ay hindi lamang basta lakad. Para silang sumasayaw, iwinawagayway ang mga kamay sa ere na parang sumasabay sa ritmo ng ibinibigay ng gong.
Lahat sila ay nakangiti, batid ang kasiyahan sa kanilang paghakbang.
Patuloy ang paglalakad ng mga abay, mga bata, binata, matanda, habang ang groom ay nasa unahan at hinihintay ang pagdating ng kanyang kabiyak.
“I can see a pastor. Is this a Christian-like wedding?” biglang untag ni Ghon sa kaliwa ko, habang abala pa rin sa pagkuha ng bidyo at larawan.
Napatingin ako sa unahan at doon ko nga nakita sa gilid ang pastor na kanyang tinutukoy.
“Dati sinusunod yung mga ritwal…” biglang sabat ng isang matandang nakaupo dito sa harap namin.
Sabay-sabay kaming napatingin sa kanya. Halata sa kanyang kasuotan na isa siyang lokal.
“Pero ngayon, puwede nang ihalo ang Kristiyano at tradisyonal na kasal ng mga Ifugao,” paliwanag niya.
Napatango naman kami.
“Kahit kaming matatanda, naniniwala pa rin sa mumbaki at kay Kabunian,” ani niya.
“Pero nagsisimba rin kami tuwing Linggo,” dugtong pa niya.
Nanatili kaming nakinig.
“Wala namang problema. Magkahalo-halo man ang aming relihiyon, pero yung kultura namin ay hindi nawawala,” pagtatapos nito.
Hindi ko naman maiwasang mamangha sa inilahad ng matanda, talagang makapangyarihan din ang panahon at oras, talagang sasabay at sasabay ka sa kung anong meron.
Ngunit tulad ng sinabi ng matanda na kahit anong pagbabago ang meroon, ang kanilang paniniwala at kultura ay mananatili at hindi mamatay.
“That is Bossing!” “Uy si Bossing!”
Sabay na itinuro ni Ghon at Amir ang lalaking ngayo’y naglalakad sa paraang tulad ng pagsayaw ng mga nauna sa kanya.
Napako ang tingin ko sa kanya.
Sa bawat pag-indayog niya sa paglalakad ay hindi ko mapigilang mapangiti dahil muli kong nakita ang itsura niyang para bang ipinagkakait araw-araw.
Suot niya ang kasuotan ng isang mumbaki.
At sa isang iglap, bumalik ang alaala ng unang beses ko siyang nakita sa ganoong anyo.
Suot nito’y chaleco na maingat ang pagkakahabi sa kulay pula, itim, at dilaw na sinulid. Dahilan para makita ang kanyang malapad na mga braso, ang kanyang dibdib at walang tiyan ay makikita rin.
Sa loob ng chaleco ay tila may itinatagong mga tattoo rito, tattoo na para bang gusto kong makita at hawakan.
May suot itong necklace na itim na may mga nakalawit na parang pangil. Sa ulo niya’y nakapulupot ang telang gawa rin sa kanyang damit.
Bumaba ang aking tingin sa suot niyang tapis na bahag, ito rin ay gawa sa maingat na paghahabi.
Agaw-pansin ang matigas at tila mabatong binti nito na tiyak batak sa pagtatrabaho.
“Tulo na laway mo, Cali.” Biglang untag ni Amir sa tabi ko, sabay kunwaring pahid sa aking labi.
“Baliw,” sagot ko, at doon tila bumalik ako sa realidad.
“He might not like you, but I know deep inside, you’re both good people,” ani ni Ghon, sabay tapik sa aking likod na parang umaalalay sa nararamdaman ko.
Napataas na lang ang aking kilay, ngunit napangiti rin ako at tumango.
“Okay lang ’yan, Cali. Ilang araw na lang din naman tayo dito. Hayaan mo na si Bossing…malaki na siya,” sabat ni Amir.
Napangiti na lang ako at doon tumango-tango sa kanilang dalawa.
“Ewan ko sa inyo.” Natatawa ko na lamang tugon at doon ipinagpatuloy ang panonood namin sa nangyayari sa harapan.
Ilang sandali pa ay sabay-sabay na tumayo ang lahat nang magsimulang tumapak si Ma’am Jessa sa pulang carpet.
Tumigil ang pagpalo ng gong ng mga kabataan. Tumayo sila, na para bang may reyna na paparating.
Hindi ko maiwasang mapangiti dahil sa aking nasasaksihan.
Ibang-iba talaga ang dating sa akin tuwing nakakapanood ako ng mga kasal, para kasi itong okasyon sa buhay mo na sobrang sagrado at hindi mo maipagpapalit kahit kanino.
Ang lahat ng nandito, bisita man o imbitado ay nakatingin ng diretso sa paglakad ni Ma’am Jessa sa gitna.
Ngunit ng ibaling ko ang tingin sa harapan…
Doon ko siya nakita.
Diretso ang tingin niya sa akin. May bahid ng ngiti sa kanyang labi. Ang kanyang mga mata ay tila may sinasabi na para bang ako lang ang kanyang nakikita sa gitna ng napakaraming tao.
Ngumiti na lang ako bilang tugon.
Alam kong napansin ni Ghon ang aksyong iyon dahil napakamot siya at pabalik-balik ang baling niya sa aming dalawa.
Ilang minuto pa ay nagsimula na ang kasal.
Tulad ng sinabi ng matanda kanina, magkahalo na ang kanilang paniniwala.
Halos katulad ito ng Kristiyanong kasal, ngunit may mga bahagi ng ritwal na pinangunahan ni Lolo Edgar, mga dasal, mga kilos na hindi ko pa lubos nauunawaan ngunit ramdam ko ang bigat ng kahulugan.
Sa buong oras ng seremonya, hindi ko maipaliwanag kung ano ang dapat kong maramdaman.
Dahil hanggang sa matapos ang kasal…
Pakiramdam ko, sa akin pa rin nakatuon ang kanyang mga mata.
Alas-kwatro na ng hapon, unti-unti nang humuhupa ang kasiyahan sa buong sentro. May mga nagsisimula nang umuwi at magpaalam sa kani-kanilang pamilya, mistula nga talagang engrandeng family reunion ang naganap.
Bago pa kami nakaalis sa may covered court kanina ay hindi nakatakas ang aming mga bibig sa madami at masasarap na pagkain.
Talagang sulit na sulit. Naging successful ang kasal kanina, ibang-iba talaga kapag nagmula sa pagtutulungan ang isang selebrasyon.
“Anong masasabi mo sa kasalang Ifugao, Cali?” Tanong ni Tita Lola na ngayon ay nasa kanang bahagi ko.
Nakaupo kaming dalawa dito sa ilalim ng papag sa ilalim ng kubo nila. Nakaharap kami sa gitna ng sentro kung saan may ilang mga kalalakihan at matatandang patuloy ang pag-iinuman.
Hindi maiwasan ng aking mga mata ang mapunta ang atensyon kila Ghon, Amir, at Bossing na nakikisalamuha sa gitna ng inuman.
“Maganda po, Tita Lola. Ibang-iba po ang kasal dito sa inyo.” Nakangiti akong bumaling sa kanya.
“Mula po sa preparation hanggang sa mismong kasal, talaga pong kitang-kita yung tulong-tulong ng bawat isa,” segunda ko pa.
Sabay kaming bumaling ni Tita Lola sa harapan na mistulang pinapanood ang mga taga-rito.
Ilang sandali pa’y may naalala ako.
“Kumusta po kayo? Nabanggit po ni Amir na may sakit kayo,” maingat kong tanong, may halong pag-aalala.
Ngumiti siya at umiling. “Naku, ’wag mo akong isipin,” wika niya. “Kilala ko ang sarili ko…mahaba pa ang buhay ko.”
Napangiti na lang din ako.
“Kung tutuusin ay mahaba ang buhay ng mga taga-Ifugao…”
“…madisiplina kasi sa pagkain, pero dahil sa ilang pagbabago sa panahon, may nahahalong mga pagkaing hindi swak para sa tiyan namin,” paliwanag niya.
Napatango ako.
“Si Tatay,” patukoy niya kay Apo. “Mahigit isang daan na ang edad. Kaya alam ko na aabot din ako tulad sa edad niya.”
Muli akong napangiti.
“Nasaan ho pala si Apo?” usisa ko dahil hindi ko na ulit nakita ang matanda.
Hindi tumugon si Tita Lola, bagkus muli niyang ibinalik ang tingin sa aming harapan na patuloy ang mga kalalakihan sa kanilang kasiyahan.
Napatingin din ako roon.
Napatunganga ako sandali, saka napangiti nang makita kong nagsasayaw si Amir sa gitna, isang sayaw na para bang sinasabayan ang pagtambol ni Ghon sa gong.
Halatang napagtripan ng mga taga-rito ang dalawa, at halatang may tama na rin sila.
Nang mabaling naman ang tingin ko sa isa, doon siya’y nakatingin dito sa pwesto namin ni Tita Lola.
Nakangiti ito, ngunit agaw pansin ang tila ba namumula na niyang mukha mula siguro sa alak na kanilang iniinom, halata ito dahil sa kulay puti niyang suot na longsleeve.
Binigyan ko naman siya ng pagtango at ngiti bilang tugon, bago niya muling ibinalik ang tingin sa kanilang kasiyahan.
“Ngayon ko na lang ulit siya nakitang nakihalubilo nang ganyan,” pasumalang wika ni Tita Lola habang nakatingin kay Bossing.
Bumaling ako sa kanya.
“Unang beses ko siyang nakitang ganyan ay noong pumasa siya sa board exam,” kuwento niya.
Tahimik akong nakinig.
“Wala akong alam na kumuha siya ng exam. Nalaman ko na lang noong himalang nag-aya siya ng kasiyahan sa mga taga-rito.” Batid ko ang kasiyahan sa mga mata ni Tita Lola.
Dahan-dahan siyang bumaling sa akin.
“Ang totoo niyan, mailap ang Bossing. Mailap ang batang ’yan…”
“…madalas ay tahimik. Kahit noong siya’y maliit pa, siguro at nasanay na mga matatanda na ang kasama.” Muling sumilay ang ngiti sa kanya.
“Siguro kung hindi namatay ang kanyang ina, mas masiyahin at masigla siya, tulad ni Amir.”
Tila ba napahigpit ang aking paghinga.
“Kaano-ano niyo ho ang nanay ni Bossing?” kahit alam ko na ang sagot, tanong ko pa rin.
“Anak ko,” matipid niyang tugon.
Napalunok ako, pilit pinanatiling maayos ang aking mukha.
“Noong maliit siya, hindi siya nagtanong kung nasaan ang mga magulang niya…dahil parang alam na lang niya.”
May kung anong kirot na dumaan sa akin, hindi sa katawan, kung ’di sa loob.
Muli kong ibinaling ang tingin kay Bossing.
Nakita kong muli siyang lumingon sa amin at ngumiti.
Ngiting iba.
Ngiting hindi ako sanay na makita sa kanya.
“Cali…” mahinang bulong ni Tita Lola habang nakabaling ang tingin namin sa harapan.
Hindi ako tumugon, pinakinggan ko na lang ang kanyang sasabihin.
“Alagaan mo ang Bossing…” pasumalang wika nito ngunit ramdam ko ang bigat.
“…alam kong mahaba pa ang buhay ko, pero kapag dumating ang panahong wala na ako sa tabi niya…”
Saglit siyang tumigil bago bumaling sa akin.
“…alam kong may makakasama siya at hindi na mag-iisa.”
Ngumiti siya.
“Dahil alam kong hindi ko kayang ibigay ang pagmamahal na alam kong hinahanap niya…”
Bahagya akong napayuko.
“…maging masaya kayo ni Bossing. Iyon ang hiling naming dalawa sa inyo ni Tatay…”
“…dahil alam namin na kahit saang buhay…kahit na anong panahon…hanggang dulo’y pipiliin at pipiliin niyo ang isa’t-isa.”
Sa mga salitang iyon, hindi ko napigilan ang pag-init ng aking dibdib.
Ngumiti na lamang ako, kasabay ng marahang pagtango.
May kung anong katahimikan ang bumalot sa sandaling iyon…isang katahimikang hindi mabigat, kundi punong-puno ng kahulugan.
At sa gitna ng katahimikang iyon…
Naramdaman ko ang pag-vibrate ng aking cellphone sa bulsa.
Dahan-dahan ko itong kinuha at tiningnan kung sino ang nag-message.
Nang makita kong si Professor Aldrin, agad ko itong binasa…
Good day, Cali! Please check your email as I already sent you the follow-up request from the Dean for the extension of your stay there in Cordillera. Please still be advised of the protocol for our deadline. Good luck and please keep safe!
Napahinto ako.
Muli kong binasa ang mensahe.
Extension.
Ibig sabihin…
Mas hahaba pa ang pananatili ko rito.
Dahan-dahan kong ibinalik muli sa bulsa ang cellphone, saka muling bumaling ng tingin sa harapan.
“May ibibigay pala ako sa ’yo, Cali.” Biglang untag ni Tita Lola.
Tumingin ako sa kanya at doon ito may iniaabot.
Isang pamilyar na instrumento na napanood ko na sa ilang dokyumentaryo.
“Ang tawag dito ay bi-ung.”
Inabot ko sa kamay ni Tita Lola ang pahaba at manipis na parang patpat na ilang centimeter lang ang haba, makinis ito at may mga ukit sa isang bahagi para sa disenyo at hawakan. Sa gitna nito ay may dalawang manipis na butas na alam kong pinaglalabasan ng ritmo.
“Itago mo,” nakangiting wika ni Tita Lola.
Napangiti naman ako.
Gusto ko mang subukang patugtugin ang bi-ung na ito ay pinili kong hindi at isinilid ko na lamang sa aking bulsa.
Alam ko na ang instrumento na ito ay hindi lang basta pinagpatugtog, alam ko kung saan at anong gamit nito.
Bumaling ako ng tingin sa unahan, at umaasang hindi niya nakita ang ibinigay sa akin ni Tita Lola.
Kabanata 42
B A K U N A W A
Alas-singko na ng hapon.
Kasalukuyan akong nasa loob ng kubong tinutuluyan namin nila Ghon. Saglit akong bumalik dito upang masusing kumpirmahin sa laptop kung totoo nga bang nabigyan kami ng extension sa aming pananatili dito sa Ifugao.
One and half week extension ang ibinigay sa amin ng Dean, sakto lamang para maabutan namin ang Lenong Festival.
Matapos kong makumpirma ang aming extension ay muli kong pinatay at binalik ang laptop sa loob ng aking bag.
Napangiti ako.
Isang ngiting hindi ko napigilan. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa extension o dahil sa iba pang rason.
Napailing na lang ako sabay na tumayo at marahang lumabas ng kubo.
Nang tuluyan akong makalabas ng kubo ay doon ko nakita sa kanan ang bulto ni Bossing.
Nakatayo ito sa ilalim ng puno ng mangga, nakatanaw sa harap ng malawak na hagdan-hagdang palayan.
Sumunod ba siya? Tanong ko sa sarili ko.
Hindi na ako nagdalawang-isip. Dahan-dahan akong lumapit sa kanya.
Hindi niya yata naramdaman ang paglapit ko. Seryoso siya na tiyak na malalim ang iniisip.
Nang tuluyan akong makalapit sa gilid niya ay doon ko binasag ang katahimikan sa kanyang pagkakatulala.
“Bossing?” untag ko.
Sa hindi ko malamang dahilan tila ba bumagal ang oras.
Dahan-dahan ang ginawa niyang pagbaling ng harap sa akin.
Napalunok na lang ako ng makita ko ang kanyang itsura.
Mestizo man ang kulay ng kanyang balat, mahahalata mo pa rin ang pamumula ng kanyang mukha epekto ng alak. Amoy chico at lalaking-lalaki ang singaw ng kanyang katawan, may mga namumuong pawis dulot siguro ng pag-akyat niya papunta rito.
“Gusto niyo pong tubig?” untag ko sa kanya ng bumalik ang lahat sa ulirat.
Seryoso ang kanyang mukhang ibinabaling sa akin.
Hindi siya sumagot. Kaya’t nag desisyon akong ikuha siya ng tubig.
Ngunit hindi pa ako nakakahakbang ay pinigilan niya ako sa pagkapit sa aking kanang pulsuhan.
Muli akong napabalik sa kanyang unahan habang hawak-hawak pa rin niya ako sa aking pulso.
Ang aking mata’y nakuha ang atensyon sa kanyang katawan, sa kanyang dibdib na ang nakatagong mga tattoo ay para bang nais makawala sa puti niyang longsleeve na bumabakat dahil sa basa ito ng pawis.
Pilit kong inaaninag ang itim na marka dito ngunit hindi ko ito lubusang makita ng maayos.
Basta ang wari ko’y may hugis ng isang dragon dito.
Hindi ko na pinatagal ang pagtitig.
Muli akong tumingin sa kanya.
“May problema ba, Cali?” malambing at puno ng pag-aalala ang tono ng kanyang pagtatanong.
Umiling ako, “Problema po?”
Dahan-dahan niyang binitawan ang pagkakakapit sa akin. Napalunok siya bago muling nagsalita.
“Nakita kong nawala ka sa tabi ni Tita Lola…akala ko may problema,” wika niya.
Ngumiti ako sabay muling umiling, “Wala po.”
Saglit na katahimikan ang bumalot sa amin.
Ang aming mga mata ang tila nag-uusap.
“Mabuti naman at wala,” wika niya sabay ngumiti.
“Sige. Magpapalit muna ako ng damit.” Pagpapaalam niya, ngunit hindi pa siya nakakatalikod ay doon ako nagsalita.
“Ah. Bossing,” tawag ko at muli siyang humarap at hinintay ang sasabihin ko.
“Ano pong ibig sabihin ng tattoo niyo?”
“Minsan nang binalikan ni Apo ang buhay ko sa nakaraan…” ang panimula niya habang ibinabalandra sa akin ang tattoo sa kanyang dibdib.
Nakahubad ito, tinanggal ang suot na longsleeve.
Nakaupo kami dito sa troso sa ilalim ng puno ng mangga paharap sa magandang tanawin na ngayon ay unti-unti nang lumulubog ang haring araw.
Hindi ko naman maiwasang mapalunok dahil sa aking nasasaksihan.
Isang dragon na paikot ang katawan sa gitna ng kanyang dibdib ang tampok sa buong tattoo niya. Nakabilog ito at tila may iniluluwang bilog na buwan.
Ang dragon ay may karaniwang ukit ng kaliskis, may mga palikpik ito na parang dragon na nakatira sa tubig.
Maliban dito ay may mga panaka-nakang buwan ang nakaukit pa sa kanyang ibang parte ng katawan na wari’y naka-abang na kainin ng dragon.
Ang kabuuan ng tattoo ay maitim ngunit malinis ang pagkakaguhit, kaya lalong namumukod ang matapang at simbolikong itsura nito sa balat.
Masusi kong tinitingnan ang kanyang tattoo dahil pamilyar sa akin kung sino at ano ang dragon na ito.
“Sabi ni Apo ay may koneksyon daw ako sa Bakunawa,” paliwanag niya.
“Kaya pina-batik ko.”
Bumaling ako ng tingin sa kanya.
“Ibig sabihin ba Bossing…isa kang Bakunawa sa nakaraan mo?”
Dahan-dahan siyang umiling.
“Maaring oo. Maaring hindi,” sagot niya.
“Sabi lang ni Apo na may koneksyon ako. Puwedeng isa lang ako sa mga nakakita sa Bakunawa na kumakain sa pitong buwan.”
Natango ako dahil pamilyar sa akin ang kuwento ng Bakunawa.
Diretso ang pagpapalitan namin ng tingin ni Bossing.
“Ngunit naniniwala ako na sa panahong ’yon…alam kong nagkita tayo…” wika niya.
Natahimik ako.
“…alam kong nagkasama tayo. Tulad nila Emilio at Caloy.”
Mas lalong tumindi ang kanyang tingin.
“Tulad ko…at ikaw ngayon.”
Napangiti na lang din ako.
“At naniniwala ako na sa kahit anong panahon, kahit anong maging buhay. Alam kong hahanap-hanapin natin ang isa’t-isa.”
Sa paraan ng kanyang pagsasalita, parang hindi ito unang beses.
Parang matagal na kaming magkakilala na lampas sa panahong alam ko.
Napangiti na lang ako.
Sa ilalim ng puno ng mangga, nakaupo sa ibabaw ng troso ay sabay na lang kaming bumaling ng tingin ng Bossing sa harapan.
Pinapanood ang unti-unting paglubog ng buwan habang parehas na pinakikiramdaman kung sinong maaunang humawak sa aming mga kamay.
Hanggang sa doon ko naramdaman ang pagpatong ng kanyang kamay sa akin.
Sabay kaming napangiti habang pinapanood ang paglubog ng araw.
Nasa ganoon kaming pwesto nang may pamilyar na boses ang tumawag sa aming likuran.
“Bossing…” malalim na pagtawag sa lalaking katabi ko.
Sabay kaming lumingon at hindi ako nagkamali na si Amir ang tumawag.
Ngunit napataas ang aking kilay ng doon ko nakitang iba ang kanyang kasuotan.
“Bakit ganyan ang suot mo?” napaigtad ako ng biglang tumayo ang Bossing.
May bahid ng gulat at pag-aalala sa tono ng kanyang salita.
Si Amir ngayon ay nakasuot ng pang-katutubo, hubad ang kanyang pang-itaas. Nakasuot ito ng bahag.
Agaw pansin ang nakataling puting tela sa kanyang ulo habang may tatlong makapal na dahon ang nakabalot din dito.
Dahan-dahan na lang din akong napatayo at inabangan ang sunod na sasabihin ni Amir.
Bakas sa kanyang mukha ang lungkot.
“Si…si Apo,” ang wika niya.
Kabanata 43
A P O L U M A W I G
Miyerkules, alas-otso ng umaga dito sa sentro ng Barangay Chaya.
“Ay… ay… ay…
Hi Apo Lumawig, mumbaki mi, nate,
munhihimuy hangin hi payoh,
mun’ngilin nan dap-ayan hi ngadan mu.“
Paulit-ulit ang pag-awit ng mga kababaihan sa kanilang tinatawag na hudhud.
Nakapalibot sila sa kubo nila Tita Lola, bawat isa’y may hawak na tangkay ng palay.
Wari’y wala silang pahinga, hindi napapagod, hindi nauubusan ng tinig, hindi natatapos ang awit.
Para bang bawat himig ay may dalang dasal, bawat pag-uulit ay may kahulugang hindi basta mauunawaan ng mga tulad naming bisita lamang.
“Ay… ay… ay…
Adi mi linglingon hi ngadan mu,
he-a nan nangidalan hi baki,
nangidalan hi kad-an di anito,
mangipapto hi biyag ken talun mi.“
Wala kaming ibang ginagawa ni Ghon kung hindi ang umupo sa tabi habang pinagmamasdan kung anong nangyayari sa aming paligid.
Bumaling ang tingin namin kay Tita Lola.
Paulit-ulit din ang kanyang pagdarasal, mga salitang hindi namin maintindihan, ngunit ramdam na ramdam ang bigat, lalim, pagmamahal, at pangungulila.
Nakatayo siya sa harapan, nakaharap sa kanyang Tatay, na ngayon ay nakaupo sa isang kawayan na upuan, nakaharap sa buong sentro.
Pumanaw na si Apo Lumawig.
Pumanaw na ang isa sa pinakamatandang mumbaki at taga-rito sa Ifugao.
Ramdam ang lungkot sa bawat sulok, hindi lang sa kubo, kundi sa buong Chaya.
Parang may bahagi ng kanilang pagkatao ang nawala.
Maraming dumating.
Mga tao mula sa iba’t ibang tribo sa Cordillera. Mayroon ding mga taga-media na nais masaksihan at maibalita ang pagpanaw ng isa sa pinakamatandang Pilipino.
Hindi rin nakatakas sa media ang balita tungkol sa balak na pagsira ng lupa sa taas ng bundok dito sa Chaya.
Ngunit sa gitna ng lahat ng iyon, tila walang ibang mahalaga kung ’di ang pagdadalamhati ng mga taong tunay na nakakilala sa kanya.
Sa malayo, sa malawak na palayan, ay patuloy ang galaw at indak ng mga kalalakihan, mga bata, binata, at matatanda.
Nakasuot sila ng pang-katutubo, may puting telang nakatali sa ulo. May hawak silang mga kawayan na kanilang pinupukpok, lumilikha ng tunog na sabay sa kanilang pag-indak at paglalakad sa palayan.
Si Amir at Bossing ay kasama sa kanila.
Isa raw iyong sayaw at ritwal na talagang ginagawa nila.
Humihingi ng gabay kay Apo Lumawig, hindi lang para sa buong taga-rito, kung hindi na rin sa kanilang pangkabuhayan.
Nang maitanong din namin kanina kung bakit hindi nakahiga si Apo, dahil ito’y nakaupo sa isang kawayan na upuan at nakaharap pa sa buong sentro.
Isa raw itong pamahiin. Isang paraan upang manatili siyang gabay sa kanila na kahit sa huling sandali, kahit sa pagitan ng buhay at kamatayan.
Mas lalo kaming nagulat nang malaman na ngayong araw din siya ililibing at hindi sa pampublikong sementeryo, kung ’di dito mismo sa gilid ng kanilang kubo.
Nakita namin kanina ang hukay. Tahimik at para bang naghihintay.
Walang lumalabas na salita sa amin ni Ghon. Hindi namin alam kung ano ang sasabihin o kung may karapatan ba kaming magsalita.
Ang aming mga mata na lamang ang nag-uusap.
Sa paligid, may umiiyak, may umaawit, may sumisigaw ng pangalan ni Apo, may nakikipag-usap sa kanya na para bang naririnig pa rin siya.
Napabaling ang aming tingin sa mga kalalakihan na ngayon ay papalapit na rito sa kubo, patuloy ang kanilang pagpukpok ng mga kawayan habang patuloy na umiindak sa kanilang paglakad.
Napabaling ang tingin ko kay Bossing, na seryosong-seryoso sa kanyang ginagawa.
Mula kahapon, kagabi, at hanggang ngayon ay hindi na muli kaming nakapag-usap.
Hindi rin nagtagtagpo ang aming mga landas, nais ko siyang damayan ngunit alam kong hindi ito ang tamang oras para gawin iyon.
Ang mga kalalakihan ngayon ay umiikot na rin dito sa kubo habang patuloy ang kanilang ginagawang pag-indak.
Wala kaming ibang ginawa ni Ghon kung hindi panoorin na lamang sila.
Ilang oras pa ang lumipas…mga oras na tila walang katapusan, puno ng dasal at ritwal.
Alas-kwatro na ng hapon nang matagpuan namin ang aming sarili na nakatayo sa palibot ng isang malalim na hukay sa gilid ng kubo.
Ililibing na si Apo Lumawig.
Hindi nakalagay sa kabaong, kung hindi siya’y nakabalot sa kumot na tiyak ay pagmamay-ari niya. Hindi rin nakahiga, nakaupo siya katulad kung paano siya inilagay kanina.
“Ipatik mu dakami, Apo Lumawig,
bantayan mi payoh ken uma,
ta mun-an-anus nan biyag mi,
ya adi mi malpasan di dasal mu.“
Sa pangunguna ni Lolo Edgar, na ngayon ay siyang nangunguna sa pagdarasal, may dalawang binata ang maingat na nagtatali ng tela sa ulo ni Apo na bahagi ng ritwal na hindi namin lubos na nauunawaan, ngunit ramdam ang kahalagahan.
Isa-isa ring inilalagay sa hukay ang mga bagay, isang itak, isang sulo, mga prutas, gulay, at palay na simbolo ng buhay, kabuhayan, at marahil ay gabay sa kanyang paglalakbay.
“Nate ka man, agge ka na-anay,
wada ka hi angin ken luta,
wada ka hi hudhud an mi aawiton.
ngadan mu di munhihimuy.“
Ilang minuto pa ay doon na nila sinimulang tabunan ng lupa si Apo Lumawig.
“Paano na ang Chaya? Wala na si Apo…”
“Nandiyan si Bossing. Siya ang gagabay sa atin.”
Mga bulong mula sa paligid.
Napapikit ako sandali.
Hindi ko mawari kung anong dapat kong maramdaman.
Sa simula pa lamang ay alam ko nang hindi lang basta matanda si Apo dahil isa siyang haligi.
At ngayong wala na siya, may puwang na kailangang mapunan.
At tila alam na ng lahat kung sino ang papalit dito.
Alas-sais na ng hapon.
Lumubog na ang araw ngunit hanggang ngayon ay tila himalang maliwanag pa rin. Kulay kahel ang buong paligid na para bang nakikisabay sa nangyari ngayon buong araw.
Unti-unti nang bumabalik sa dati ang lahat.
Ang lungkot ay hindi nawawala, ngunit natatabunan ng pagpapatuloy ng buhay.
Si Lolo Edgar at Tita Lola ay tahimik na nag-uusap sa ilalim ng kubo. Ang mga kalalakihan ay nakapabilog na, nag-iinuman na tila ba isang paraan upang maibsan ang bigat ng kanilang nararamdaman.
Si Ghon at Amir naman ay kasama ng mga kabataan, naglalaro ng basketball na parang walang nangyari.
Ako’y nakatayo sa gilid, katatapos lamang makipaglaro sa mga bata.
Ngunit ang aking mga mata ay may hinahanap.
Siya.
Ngunit bago ko pa siya makita…
…may mga dumating.
Mabibigat ang hakbang. Sabay-sabay.
“Si Mayor.”
“Si Mayor Alcantara.”
“Huy si Mayor o.”
Napalingon ang lahat.
Isang lalaking nakasuot ng pulang polo ang papalapit, kasama ang mga lalaking nakaitim…tila armado, tila may kapangyarihan.
Biglang nanahimik ang paligid.
Tumigil ang lahat sa kanilang ginagawa.
Napaurong ako nang bahagya. May kakaibang bigat ang kanilang presensya na parang may paparating na hindi maganda.
Huminto sila sa harapan nina Lolo Edgar.
“Ako’y nakikiramay sa pagpanaw ni Apo Lumawig,” malalim na wika ng nasabing Mayor.
Kita kong may inabot ang isang armadong lalaki sa kanya, basket na naglalaman ng prutas.
Doon naman tila iniaabot ng Mayor ang prutas sa harap ni Lolo Edgar.
Ngunit hindi niya ito tinanggap.
“Hindi namin kailangan ng pakikiramay mo, Mayor.” Malumanay ngunit may tigas sa wika ni Lolo Edgar.
Doon ko nakita ang pagngisi ni Mayor.
“Bakit naman ganoon, Edgar? Gusto ko lang naman makiramay.” Sarkastiko ang tono ng kanyang pananalita.
“Makikiramay?” tila inis na wika ni Lolo Edgar.
“Alam mo ba kung anong sinasabi mo? Isa kang hipokrito Mayor!”
Ramdam na ramdam ko ang tensyon sa paligid.
Napatayo si Tita Lola, tila pinipigilan si Lolo Edgar.
“Hindi ko alam Mayor kung saan nanggaling ang lakas ng loob mo na tumapak dito sa Chaya, gayong balak ng pamilya mo na sirain ang lupaing ito…” Turan ni Lolo Edgar.
“Hindi lang sirain ang lupain, isama mo pa ang pananakit at paninikil hindi lang sa mga taga-rito, kung hindi narin sa mga bisita.” Dagdag pa nito.
Muling ngumisi ang nasabing Mayor.
“Edgar. Huwag mo akong paratangan sa bagay na hindi ko naman ginawa. Wala kang patunay, wala kang ebidensya.” Natatawa pang wika nito.
Napailing na lang si Lolo Edgar at halatang nagpipigil ng galit.
Nakabaling lang ang aking tingin sa kanila ng may doon hinugot ang nasabing Mayor sa kanyang bulsa.
Isang papel, doon niya ito binuksan at doon ibinalandra sa mukha ni Lolo Edgar.
“Ito. Ito ang ang patunay. Ito ang ebidensya…” Tila ba pang-iinis na turan ng mayor.
“…ito ang patunay na ang lupang iyon, ay hindi protektado ng UNESCO. At ito ang patunay na may karapatan ang kung sino mang may gustong bumili ng lu…”
Hindi natapos ng Mayor ang kanyang sinasabi ng may bigla nalang humablot sa papel na hawak niya kasabay ay ang pagpunit nito sa harapan ng mukha nito.
“Umalis kayo rito.”
Si Bossing.
Nakatingin ako sa kanya.
Hindi ko siya halos makilala sa anyong ito.
Ang kanyang mata ay nag-aapoy, ang kanyang boses ay hindi pangkaraniwan na hindi mo kayang suwayin.
Walang sumagot.
Walang tumutol.
Walang pakundangan, walang iniwang salita, at bigla na lang sabay-sabay na umalis ang mayor kasama ang kanyang mga alipores.
Biglang tumahimik ang buong paligid.
At sa pagkakataong ito, alam ko, sigurado ako.
Sa pagkawala ni Apo Lumawig ay may bagong tatayo. At sa sandaling ito, walang duda na siya ang kailangan ng Chaya.
Kabanata 44
T U B I G
Biyernes.
Alas-dyis ng umaga dito sa harapan ng malawak na palayan ni Tiyo Makmak.
“Ako si Beronidya Mannod. Sixty one na,” ang pagpapakilala sa amin ng isang matandang babae.
Suot nito’y malong at puting damit, nakasumbrelo siya ng pang-makata gaya ng mga kasama niya na nasa gitna ng palayan.
Ngayon ang unang araw ng pag-aani ng palay.
Sa aming harapan, walang malalaking makina. Walang ingay ng makinarya. Tanging mga kamay ng kalalakihan at kababaihan ang gumagalaw, sabay-sabay, maingat, tila may sariling ritmo.
Gamit ang kanilang mga kamay at ang suot nilang tila matulis na bagay ay siyang ginagamit upang makuha ang tangkay na naglalaman ng palay.
“Noong bata ako, fourteen years. Sumasama ako palagi sa ina ko kapag mag-gagamas kami ng damo sa palayan,” ang kuwento ng matanda.
Saglit kasi itong nagpapahinga hudyat para mabigyan kami ng pagkakataon na siya’y makausap.
Kaming dalawa ni Ghon ay nakaupo sa lupa, tahimik na nagmamasid. Si Amir naman ay nasa gitna, tumutulong sa pag-aani.
Hindi ko naman maiwasang mapatingin kay Bossing.
Pabalik-balik siya sa gitna ng palayan, hawak ang isang bulul. Sa bawat hakbang niya ay tila may sinasambit siyang dasal na alam kong isang ritwal na hindi ko man lubos na nauunawaan, ngunit ramdam ko ang bigat at kahulugan.
“Kasama ako palagi sa mga ibang magsasaka. Sila nagturo sa akin hanggang sa natuto na ako.” Ang kuwento ni Aling Beronidya.
“Ngayong kailangan kami ni Makmak para sa ani ng palayan niya. Tulong-tulong kami. Kasi sa isang araw naman, sila din ang tutulong sa pag-aani sa palayan namin.”
Napangiti nalang ako.
Bago pa kami nakarating dito kanina ay alam ko na ang palay na kanilang inaani ay hindi lang basta pangkaraniwan.
Ito ang palay na ang tawag ay Tinawon, isang uri ng palay na isang beses lamang sa isang taon kung anihin kaya’t ganoon na lang ang makita naming maingat at may paggalang ang paraan kung paano sila mag-ani.
Sa aming harapan, ay mabibilang na mas madami ang bilang ng mga kababaihang nagtatrabaho, isang pangitain na pantay lamang ang pagtingin ng mga taga-rito sa babae at lalaki.
Lahat sila’y mga naka sumbrelo na pang-makata na nagsisilbing panangga sa ngayong init ng sikat ng araw.
“Oy, Ayyang!” patawag ni Aling Beronidya sa isang binatang nakasuot ng bahag, na abala sa ginagawa niyang pagbubungkos ng mga nakuhang palay.
“Umali ka udot hidi. Ibagam hiya-k nu ngan di inyat mu,” dagdag pa niya.
Lumapit ang binata, pasan ang isang kawayan na may nakasabit na mga bungkos ng palay sa magkabilang dulo na para bang nagtitinda ng taho.
“He’s strong,” bulong ni Ghon sa binatang papalapit na sa amin.
Tuluyang nakalapit ang binata, “Magandang umaga ho,” pagbati niya sa amin.
Biglang tumayo si Ghon, “This looks heavy,” patukoy niya sa buhat ng binata, “Can I try?” tila ba gusto niyang subukan na buhatin ito.
Ngumiti ang binata at tumango. Maingat niyang ipinasa kay Ghon ang dala.
Napangiti na lang ako ng tuluyang nabuhat ni Ghon.
“I thought this is much heavier than it looks.” Tila ba pagmamayabang nito ng subukan pa niyang umikot.
“Oy! Ghon! Baka maluslusan ka!” sigaw ni Amir sa gitna ng palayan.
Nagtawanan naman ang mga kasama nito, napatawa na lang din kami bago muling ibinalik ni Ghon ang pagbubuhat sa binata.
“Are you the only one who carries this?” tanong niya.
Tumango ang binata. “Opo. Wala naman iba kabataan ngayon. Laging po gawa nila, nagseselpon palagi.” Tila ba may puwang ng pagkadismaya sa boses ng binata.
Matapos noon ay nalaman namin kay Aling Beronidya na dinadala ang mga binuhat na palay sa loob ng imbakan ng palay ni Tiyo Makmak kung saan mayroong naghihintay na bantay.
Isa ring Bulul, na naniniwala silang ito ang isang dahilan kung bakit hindi nauubos ang palay sa kanilang imbakan.
“Kaya kami ay nag-aalala sa gagawing resort,” wika nito ng doon namin maitanong ang banta sa pag-angkin ng ilang publiko sa lupain sa taas.
“Hindi nila puwedeng galawin iyon. Kasi doon nagmumula ang tubig ng irigasyon. Kapag nawala ’yon, paano na ang palay?” pag aalala niyang banggit at bumuntong hininga pa.
“Parang kapag sinira mo ang lupang ’yon, kasamang mamatay ang lupain ng Chaya,” pagpapatuloy niya habang nakabaling lamang ang aming atensyon sa malawak na palayan na nagbabadyang masira at mamatay.
“Hindi na kami umaasa sa gobyerno na maprotektahan kami.” Ramdam ang pagkadismaya sa boses ni Aling Beronidya.
“Ito ngang si Mayor ay kasabwat sa lahat, sino pang aasahan na magpoprotekta sa amin? Kasi alam namin na kapag nandiyan na, wala kaming magagawa.”
Saglit siyang tumigil
“Pero ang tangi kong alam, na kapag dinaan na sa karahasan…alam kong may laban ang mga taga-Chaya.”
Hindi ako nakatugon.
Saglit na napabaling ang aking tingin sa Bossing na parang hindi napapagod sa kanyang ginagawang ritwal sa malawak na palayan.
“Hindi ko alam. Nakalaya nga kami sa mga hapon, ito namang mga kapwa Pilipino ang nagiging sakim ngayong panahon…”
Wala na akong nagawa kung ’di tumango.
Lahat ng salitang lumalabas sa kanyang bibig ay totoo.
Tatlong banyagang lahi ang sumakop sa Pilipinas at nakalaya tayo sa kanilang mga kamay, ngunit may bago nang kalaban. Hindi na ibang lahi, kundi sarili nating kababayan.
Mga taong nasa kapangyarihan, mga sakim na tila nakakalimot na pare-pareho lang tayong humihinga ng iisang hangin, hangin na ngayon ay mabigat para sa mga inaapi.
“Painom nga sa tumbler mo,” biglang sabi ni Amir kay Ghon sabay agaw ng tumbler nito.
Unti-unti nang umaahon ang mga nag-aani mula sa palayan. Oras muna ng pahinga.
May mga umiinom, may mga kumakain ng baong biskwit. May mga tahimik lang, nakatingin sa malayo at tila iniipon ang lakas para sa susunod na galaw.
“Ayos lang kayong dalawa?” tanong ni Tiyo Makmak. Kita sa mukha niya ang pagod kahit umaga pa lang.
Tumango ako, ngumiti na lang siya at doon pinagpatuloy ang kanyang pagkain ng biskwit.
Samantala, ang aking paningin ay nakatuon kay Bossing.
Huminto na siya sa kanyang pagriritwal at ngayon ay naglalakad na papunta sa amin.
Hawak pa rin niya ang bulul. Mabagal ang kanyang hakbang…mabigat.
Hindi ko alam kung bakit, pero kusang gumalaw ang aking mga kamay.
Kumuha ako ng tubig mula sa pitsel at isinalin sa baso.
Pagkatapos ay tumayo ako.
Para salubungin siya.
“Tubig po, Bossing.” Nakangiti kong sabi habang iniaabot ang baso sa kanya.
Ngunit nawala rin agad ang aking ngiti ng doon niya ako nilagpasan, na para bang hindi niya nakita ang aking presensya.
Diretso siyang naglakad, hindi papunta sa mga magsasaka, kung ’di palayo, palayo sa amin, palayo sa lahat.
Nanatili akong nakatayo, hawak pa rin ang baso.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng hindi pamilyar na kirot. Hindi ko alam kung tama lang ba iyon.
Mula noong isang araw, hindi na kami nag-uusap. Hindi rin kami nagtatagpo sa taas, kahit pareho kaming naroon.
Alam ko… naiintindihan ko.
Nagdadalamhati siya.
Nalulunod sa isip. Pinipilit dalhin ang bigat ng pagkawala ni Apo, at ang banta sa kanilang lupain.
Alam kong hindi madali.
Kaya’t pinili kong umintindi.
Dahan-dahan akong tumango sa sarili ko na parang sinasabing, okay lang ’yan naiintindihan kita…
Pagkatapos ay bumalik ako sa pwesto namin.
“Ayyang, ito tubig,” sabi ko sabay abot sa binata kanina.
Ngumiti siya at tinanggap iyon.
Bago ako muling tahimik na umupo sa lupa habang pilit na inuunawa ang pagitan na unti-unting namamagitan sa amin.
Kabanata 45
U N E S C O
“So our days here are extended,” ani ni Ghon sa tabi ko.
Kasalukuyan kaming nandito sa hapagkainan at kumakain ng hapunan.
Sinigang na baboy ang pinagtulungan naming lutuin ni Amir kanina. Pagod sa katawan ang aming nararamdaman, dahil kaming dalawa rin ni Ghon ay tumulong na rin sa pag-aani ng palay kanina.
Kaming tatlo lang ang narito.
Wala si Bossing.
Mula pa kanina, hindi ko na siya nakita.
“With our stay here, what should we do to help them?” patuloy ni Ghon.
Hindi kami umimik ni Amir na para bang hindi rin namin alam kung paano ang gagawin.
“We can’t just observe and watch them be oppressed.” Ramdam ang inis at pag-aalala sa boses ni Ghon.
“…inaabuso sila. From the very beginning, yung pera pa lang na kapalit ng pirma…it doesn’t smell right,” dagdag niya.
Patuloy ang pagsubo namin ni Amir dahil tama lahat ng sinasabi ni Ghon.
“When we were almost shot by those men… it’s alarming, isn’t it?”
Hindi na kailangan ng sagot.
Alam naming oo.
“Yung report natin sa police… nothing changed. Walang imbestigasyon. But why?” dismayado niyang tanong.
“Is it because some of the Ifugao people lack proper education? But that doesn’t define them to be victims of corruption and oppression.”
“Pero ito na ang sistema ngayon,” sagot ni Amir, kalmado ngunit seryoso. “Hindi lang dito. Kung ’di sa buong Pilipinas.”
“What do you mean by that?” agad na sabat ni Ghon.
“Should we just stay stagnant? Ganito na lang palagi ang pamumuno?” patuloy ni Ghon.
“I know we’re just students… but I also know we can do something.”
“Pero kung iboboto at iboboto nila ang maling tao, ganoon pa rin ang patutunguhan natin.” Seryosong tugon ni Amir.
Nakikinig lang ako.
“You’re right. That is one of the problems, but you know what…the main problem here is the people who organized this kind of candidate selection.”
“You’re accepting a candidate with a history of fraud? Corruption? Even crime? For god sake…”
“Our government is not a playground for them for us to be played on.”
Lahat ng diskusyon nilang dalawa ay totoo. Dahil sa panahon ngayon, kapwa mo na rin ang iyong kalaban.
Saglit na katahimikan ang muling namutawi sa aming hapagkainan.
“Now…someone saw a strange guy wandering around sa sentro,” ang seryosong banggit ni Ghon.
Napatingin ako sa kanya.
Kanina lamang ay rinig namin sa usap-usapan ng ilang mga matatanda na may nakikita nga silang hindi pamilyar na mukha na pabalik-balik kanina sa sentro, hindi ito turista dahil alam at pakiramdam nila na ang taong iyon ay hindi maganda ang presensya.
“What could possibly go wrong?” ang tila ba takot na wika ni Ghon. “If this continues…maybe it’s better for us to go home early.”
“Nandiyan si Bossing. Huwag tayong matakot.”
Napatingin ako kay Amir.
Kita ko naman ang pag-iling ni Ghon na tila hindi sang-ayon sa kanyang narinig.
“No. I know that he’s a powerful mumbaki, but he can’t do anything if that problem goes beyond the belt.”
Tama si Ghon.
“I know the people here are warriors,” patuloy ni Ghon. “Kapag dumating sa ganoon, lalaban sila.”
“At sasama ako,” mabilis na sabat ni Amir. “Kapag nangyari ’yon, lalaban din ako.”
“But can we do something legally?” muling sabat ni Ghon. “Something morally that will stop them from touching that land.”
“Should we find NGO’s who will help us? Should we verify the true status of that land?” patuloy niya.
“At kung hindi nga siya protected…magkano ba at ako ang bibili…” ramdam ko ang sinseridad ni Ghon sa kanyang wika maliban sa huli niyang sinabi.
“Baliw,” singhal ni Amir. “Baka nga pambili mo ng deodorant wala ka.”
Nagtawanan sila.
“Cali,” pagtapik sa akin ni Ghon. “You’re missing out, what can you say? Ambag-ambag tayong tatlo, let’s buy that land na lang,” pagbibiro pa niya.
Pinasadahan ko silang dalawa ng tingin bago huminga ng malalim.
“Maging mapagmatyag muna tayo sa paligid.” Unang wika ko.
“Tama si Ghon, na baka mangyari ang hindi natin inaasahan.”
“Oo, alam natin na mali ang ginagawa sa kanila. Ngunit ano ba talaga ang kaya nating gawin?” pareho silang nakatingin sa akin ng diretso.
“Maging may alam, ’yon lang ang kaya natin. Dahil sa huli, alam nila at alam ng mas karamihan na mali ang ginagawa sa kanila.”
Ilang oras pa ang lumipas at doon natapos ang aming mahabang pagkain ng hapunan.
Nakapaglinis na kami ng mga katawan, ngunit ako’y naiwan dito sa kusina at nakaharap sa aking laptop, si Ghon at Amir ay nasa loob na ng kubo at nagpapahinga.
Dalawang rason kung bakit ako nagpaiwan, isa ay may gusto akong alamin at hanapin, ang isa naman ay may hinihintay ako na dumating.
Kasalukuyan akong nagbo-browse sa internet, humahanap ng mga impormasyon patungkol sa lupaing ito.
Napunta ako sa site ng UNESCO kung saan matatagpuan ang mga lupaing protektado ng kanilang batas. Masusi kong tiningnan ang bawat pulang linya na nagsisilbing hangganan ng proteksyon, bawat marka ay tila may kwento ng pag-iingat at pangangalaga.
Ngunit sa kabila ng lahat, bigo akong makita na may parte nga ng Chaya ang hindi sakop nito.
Napabuntong hininga ako, dismayado man ay hindi ako tumigil sa paghahanap pa ng ibang impormasyon.
“Kung hindi nga sakop ng UNESCO…bakit hindi pa nila sinisimulan?” napatanong ko nalang sa hangin dahil sa aking iniisip.
Anong pumipigil sa kanila kung bakit hindi pa nila sinisimulang sirain ang lupang inaangkin nila?
Dahil ba doon sa nangyaring pagsapi ng mga pinading sa nangahas na magputol ng puno doon?
O dahil may isang bagay ang kailangan nilang magawa bago pa nila tuluyang simulan ito?
Ilang oras pa ang lumipas.
Basa dito, basa doon. Walang humpay ang aking paghahanap na parang hinahabol ko ang sagot na ayaw magpakita.
Napatingin ako sa aking smartwatch. Alas-dose na ng hatinggabi.
Inaantok man, pinilit kong idinilat ang aking mga mata.
Hindi pa tapos. Hindi pa ako tapos.
Hanggang sa mapunta ako sa isang site na tila may sariling liwanag sa dilim ng aking paghahanap.
“IPRA Law…” mahina at halos bulong kong pagbasa sa screen.
Muli kong binalikan ang page, mas mabagal, at mas maingat ko itong binasa.
“Indigenous Peoples’ Rights Act…”
At sa pagkakataong iyon, parang may kung anong kumalas sa dibdib ko, isang kutob na matagal nang naghihintay na mapatunayan.
“Ang mga katutubong lupain o ancestral domain ay protektado ng batas…hindi basta-basta maibebenta…nang walang pahintulot ng NCIP at ng mismong komunidad…”
Napahinto ako at muling pinagpatuloy ang pagbasa.
“Free, Prior and Informed Consent. Sa ilalim ng batas na ito, hindi maaaring galawin ang anumang Ancestral Domain nang walang pahintulot mula sa mismong komunidad pagkatapos ng isang serye ng konsultasyon.”
Muli akong napahinto.
“Ibig sabihin…”
“Ibig sabihin kaya sila nagpapapirma…”
“…dahil iyon ang kailangan nila?”
Napatango ako dahil ’yon ang hinahanap kong sagot.
Ang rason kung bakit hindi pa nila magawang simulang sirain ang lupaing iyon dahil wala silang patunay na pumasa sila sa IPRA Law.
Maaring malusutan ni Mayor Alcantara ang NCIP pero hindi niya malulusutan ang pagsang-ayon at suporta ng mismong komunidad.
Napangiti na lang ako at dahan-dahang isinara ang aking laptop, at nang tuluyan kong maisara ito ay doon ako nakarinig ng kaluskos sa gilid.
Bumaling ako doon ng tingin at hindi ako nagkamali na siya nga ang gumawa ng ingay na iyon.
Napatayo ako.
“Bossing,” mahina kong pagtawag sa kanya.
Napahinto siya.
Dahan-dahang bumaling sa akin at sa paraan ng kanyang pagtitig, alam kong hindi lang ako ang nagulat.
Nagdesisyon akong lumapit sa kanya.
“Cali…” malambing at bahagyang paos ang kanyang boses, “Bakit gising ka pa?”
“Pinagtabi ko po kayo ng pagkain,” tugon ko.
Pansin ko ang pagod na pagod niyang pakiramdam base sa emosyong ipinapakita ng kanyang mata.
Mata na para bang madami ang bumabagabag sa kanyang isipan.
Mata na parang may pasan na hindi niya masabi.
Mata na para bang gusto niyang kumawala. Lumaya.
“Kumain na po ba kayo?” tanong ko sa kanya.
Tahimik siyang umiling.
Ngumiti ako, “Sige po. Ipaghahain ko kayo para makakain.”
Aktong aalis ako sa kinatatayuan namin ay doon ko naramdaman ang paghila niya sa aking pulsuhan, kasabay noon ay doon ko na lang nakita ang aking sarili na nakahagkan sa kanya.
Gulat man ako ay nagpaanod na lang sa kanyang ikinilos dahil alam kong sa oras na ito, ay kailangan niya ng may madadamayan.
Naniniwala ako na ang lakas at tatag ng tao ay may hangganan, kailangan din nila minsan ng pahinga at sandigan.
Sa ilalim ng mga kumikislap na bituin, sa mga alitaptap na nagbibigay ng panandaliang liwanag sa paligid, sa lamig ng simoy ng hangin at sa ingay ng mga kulilig.
Naiintindihan, nauunawaan at nararamdaman ko siya.
Hindi bilang ‘Bossing’
Kung hindi bilang isang taong pagod, isang taong nasasaktan, at isang taong matagal nang nag-iisa.
Marahan kong tinapik-tapik ang kanyang likuran na wari’y gusto kong iparamdam na nandito ako para sa kanya.
Doon ko naramdaman ang paghipit ng kanyang yakap, yakap na para bang kailangan niya.
“Huwag po kayong masyadong mag-alala, Bossing.” Malambing kong wika sa kanya.
Naramdaman ko ang paghaplos niya sa aking likuran.
“Hindi po kayo nag-iisa…” ani ko pa. “Nandito kami…”
“…nandito ako.”
Mas naramdaman ko ang kanyang paghagkan, at sa hindi ko malamang dahilan ay rinig ko ang mahihina at parang pilit niyang paghikbi.
Iginala ko ang aking kamay papunta sa likuran ng kanyang ulo para siya’y pakalmahin.
Hindi ko maisip na ang isang Bossing na tulad niya ay aking hagkan.
Hindi ko malaman kung bakit pumasok na lang sa aking isipan ang mga kuwento ni Tita Lola noong bata pa si Bossing.
Ang batang lumaki sa katahimikan.
Ang batang hindi nagtanong dahil alam na niya ang sagot.
Ang batang natutong maging matatag dahil wala siyang ibang pagpipilian.
At ngayon…sa yakap na ito…naiintindihan ko na kung anong klaseng pagmamahal ang hindi niya natanggap noon.
Ito.
Ito ang kailangan niya ngayon.
Kabanata 46
G H O N
Sabado. Alas-onse na ng tanghali.
Kasalukuyan naming binabaybay ang daan papunta sa kubo nila Tita Lola dito sa sentro.
Malayo pa lamang ay tanaw ko na ang mga matatandang lalaki na nagkukumpulan doon na tila may mabigat silang pinagkakaabalahan.
May kakaibang bigat sa hangin, na parang may paparating na hindi maipaliwanag.
Agaw-pansin din ang presensya ni Bossing sa gitna nila.
Katatapos lang ulit naming tumulong sa ikalawang araw ng pag-aani sa palayan ni Tiyo Makmak. Boluntaryo na kaming tumulong dahil gusto rin talaga namin ni Ghon na maranasan kung paano mag-ani ng palay.
“Magandang umaga po.” “Good afternoon po.”
Sabay na pagbati namin ni Ghon nang makalapit kaming tatlo nila Amir.
Tumango lamang ang mga matatanda, hindi man lang huminto sa kanilang ginagawa na parang mas mahalaga ang nasa kanilang mga kamay kaysa sa kahit anong usapan.
Doon ko napansin.
Ang tunog ng bakal.
Ang gaspang ng paghagod.
Ang katahimikang may tinatagong ingay.
Napabaling ang aking tingin sa kanilang mga kamay, nagkukuskos, naglilinis, naghahasa.
At doon ko nakita.
Mga baril.
Mga itak.
Mga sulong may patalim sa dulo.
Napatingin ako kay Bossing na diretso at seryosong nakabaling sa akin.
Ang aking mga mata ay wari’y gusto siyang tanungin kung bakit siya ay may hawak ding baril.
Amir, ipaghain mo sila ng meryenda,“ salubong ni Tita Lola habang bumababa mula sa kubo.
“Cali, Ghon…meryenda muna kayo. Dito kayo.”
Sumunod kami nang walang imik.
Parang kusa na lang kaming tinulak ng sitwasyon palayo sa kanila. Palayo sa kung anong hindi namin kayang harapin.
Sa likurang bahagi, may maliit na lamesita at bangkito. Nakaayos doon ang pitsel ng orange juice at mangkok ng bilo-bilo.
Nang makaupo kaming tatlo nila Ghon ay muling napabaling ang tingin ko sa harapan namin, sa kanila na alam kong may iba silang binabalak.
Napatingin ako kay Bossing na diretso pa rin ang tingin sa akin.
Hindi ko mabasa kung anong mensahe mula sa kanyang mga mata. Seryoso ito at para bang desidido.
“I think this is getting out of hand.” Pagbasag ni Ghon halatang nag-aalala, bulong ang kanyang pananalita na sapat lang para marinig naming tatlo.
“This is not the solution to the problem,” balisang wika pa niya.
Parehas kami ng iniisip ni Ghon.
Hindi sagot ang dahas.
Hindi sagot ang armas.
“Pero ito na yung kinagawian nila,” mahinang pagtugon ni Amir na bakas sa kanyang mukha na alam niya at sanay na siyang makakita ng hawak-hawak nila.
“Ito ang tradisyon nila,” dagdag pa niya.
Hindi ako makaimik.
Sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung dapat ba namin silang pigilan, dapat ba namin silang pakialaman gayung ito na ang kanilang kinagisnan, ang kanilang kinagawian, ang kanilang tradisyon.
“Cali,” pagtawag ni Ghon, napabaling ako sa kanya. “I thought you already discussed the IPRA Law to Bossing?” ani niya.
Tumango ako.
Noong madaling araw na hinintay ko siyang matapos na kumain ay ipinaliwanag ko sa kanya yung batas na alam kong sagot sa problema nila.
Ang tanging tugon na narinig ko sa kanya kagabi ay pasasalamat.
“Hindi ’yon sapat,” sabat ni Amir, napatingin kami sa kanya.
“Oo, yun ang sagot…pero hindi ’yon sapat para sa kanila.”
“Dahil sa una palang, sila na ang naging marahas. Sila ang nagpakita ng hindi magandang gawi.” Segunda ni Amir.
Nakabaling lang kami ng tingin sa kanya, “Tulad ng sabi mo kagabi, Ghon,” tumingin ito sa kanya.
“Ifugao people are warriors…” ani ni Amir nang biglang lumapit sa amin si Tita Lola.
“Ang aming mga ninuno ay mandirigma,” singit ni Tita Lola at doon siya umupo sa harapan namin.
“Kung wala ang aming mga ninuno, walang palayan. Walang mga taga-Chaya.”
“Pinaglaban nila ang aming lupa noon laban sa mga Espanyol. Ipinaglaban din mula sa mga Hapon…”
Saglit na tumigil si Tita Lola.
“…at walang rason na hindi namin ipaglalaban ang lupang sariling dugo ang umaangkin at sisira nito…” seryosong baling ni Tita Lola.
“But this is not the right way to-”
“Walang ibang paraan na tama.” Pagputol ni Tita Lola.
“There is Tita. The IPRA Law, this is the answer.” Pumilit muli ni Ghon.
Umiling si Tita Lola, “Ito,” pagturo niya sa mga kalalakihan. “Ito ang sagot.”
“Ang lupang ito ay binili ng dugo ng aming mga ninuno, kaya dugo rin ang itatapat sa sinumang kukuha nito.”
Hindi na muling nakapagsalita pa si Ghon nang doon nagsimulang umawit ng ritwal ang mga kalalakihan na pinangunahan ni Lolo Edgar.
Nakatingin lang ako sa kanila at seryosong pinapanood ang kanilang ginagawa.
Maya-maya pa ay walang paalam na tumayo si Ghon at umalis sa kanyang pagkakaupo.
Nakatingin lang ako sa kanya na humahakbang papalayo sa aming pwesto, doon naman siya hinabol ni Amir.
Sa mga oras na ito, nararamdaman ko ang emosyon ni Ghon dahil hindi nga ito ang tamang paraan para maresolbahan ang problema.
Pero sino ba kami para pigilin sila? Gayong ito ang kanilang kinagawian at tradisyon.
Nakaupo ako sa pagitan ng tama at tradisyon.
Sa pagitan ng batas at dugo. Sa pagitan ng kung ano ang alam kong tama at kung ano ang pinaniniwalaan nilang kailangan.
Mag-aalasais na ng hapon.
Nakaupo kaming dalawa ni Ghon dito sa troso sa ilalim ng puno ng mangga habang ang aming paningin ay diretsong nakabaling sa kinakain na ng dilim na malawak na palayan na halos isang buwan na ring sumasalubong sa amin araw-araw.
Isama pa ang ’di maipagpapalit na ganda ng paglubog ng haring araw, na parang sa bawat paglubog nito ay may tinatapos at may sinisimulan.
Mas lumalamig na rin ang pagsimoy ng hangin na siyang yumayapos sa aming katawan.
Seryoso ang usapan sa pagitan naming dalawa ni Ghon.
Pinag-uusapan ang mga unang araw namin dito sa Chaya, ang kanilang kultura, ang kanilang pamumuhay, ang kanilang paniniwala…
…at ang mga bagay na hindi namin inaasahang masasaksihan.
“That is their tradition. We can’t do anything about it, Cali.”
Tila ba pagsuko ng wika nito ng muli naming pag usapan ang tungkol sa kinikilos ng mga taga-rito kanina.
“Ifugao people are warriors…” napatawa siya, ngunit walang saya sa tunog nito.
“I still can’t believe that this movement exists.”
Bumaling ako sa kanya, diretso ang tingin sa haring araw na nagsisimula ng lumubog.
Ramdam ko ang bigat ng emosyon ni Ghon.
“I can’t blame them,” dagdag niya.
“With this kind of justice system in the Philippines…where favors belong to those who have power and money…” saglit siyang huminto, saka muling nagsalita, mas mababa ang tinig, at mas totoo.
“I can’t blame the people of Ifugao for taking further steps in solving this kind of problem.”
Sa pagkakataong ito, masasabi kong alam ni Ghon.
Alam niya ang nangyayari, alam niya ang kanyang sinasabi dahil parehas lang din kami ng iniisip.
Alam ko.
Alam niya.
At pareho naming naiintindihan.
Bumaling siya ng tingin sa akin.
“You…me…” seryoso niyang banggit, “We are outsiders here, Cali.”
“We are visitors here,” muli siyang bumaling ng tingin sa harapan, ganoon din ang aking ginawa.
“Our job is to watch them, to observe them, and to learn from them. That is our main goal when we take our first step here in Cordillera…” tila ba alam ko na ang sasabihin niya.
“And I think our job here is done…” bumaling siya ng tingin sa akin.
Napalunok ako.
“I think there’s no reason for us to stay here, Cali.” Seryoso niyang wika.
Parang may kung anong pumitik sa dibdib ko.
“With our timeline…I think tapos na natin yung first to last week’s agenda. We can do our cross-checking of other aspects in my condo, we can do a lock-in there.”
Tahimik akong nakikinig, ngunit sa loob ko ay may kung anong tumatanggi.
“With the upcoming Lenong festival…we can just watch some documentaries about that,” dagdag pa ni Ghon.
Napabuntong hininga ako.
“Let’s go home, Cali.”
Sa pagkakataong ito ay hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin sa kanya.
Dahil tama naman si Ghon, tapos na namin ang agenda sa timeline na ginawa ko para sa pag-aaral na ito.
“Tomorrow, Cali. Bukas na bukas, uwi na tayo.” Alam kong desidido siya sa kanyang sinabi.
Muli siyang bumaling ng tingin sa harapan kung saan ang haring araw ay unti-unti nang nawawala sa aming paningin.
“Kung hindi sasama si Amir, we can just let him be. Because in the first place…”
“…he doesn’t belong in our group.”
Napatulala na lang ako.
Ang aking isipan ay tila gulong-gulo sa dalawang pamimilian.
Uuwi na ba…o hindi?
Isang tanong ang pumipigil sa aking umayon sa gusto ni Ghon, at ito ay…
…paano na kami?
Tahimik kaming dalawa ni Ghon na nakabaling sa kulay kahel na langit na para bang naghihintay ng sagot.
Hanggang sa may narinig kaming mabibigat na paghakbang sa aming likuran.
Napabaling kami doon.
Si Amir at Bossing na seryosong-seryoso ang mukha, kararating lang nila.
Napatayo ako para sana salubungin si Bossing ngunit napatigil din ako ng dire-diretso siyang naglakad.
Hindi siya tumigil at hindi rin siya tumingin.
Lumampas sa aming harapan at doon siya mabilis na pumasok sa kanyang kubo.
Parang may kung anong bumagsak sa loob ko.
Ramdam ko rin ang pagtayo ni Ghon at doon ay wala siyang imik na bigla na lang umalis at mabilis na nilampasan si Amir, diretso siyang pumasok sa loob ng kubo.
Si Amir naman ay dahan-dahang lumapit sa aking kinatatayuan at doon siya umupo dito.
Ramdam ko ang bigat ng presensya na namumuo sa lugar na ito.
Dahan-dahan akong tumabi sa pagkakatulala ni Amir.
Nakabaling ako ng tingin sa kanya at inabangan ang salitang lalabas sa bibig niya.
Ilang minuto pa ang dumaan at doon siya dahan-dahang bumaling sa akin.
Ngumiti si Amir.
Ngiting iba.
Ngiting pilit.
“Pinapauwi na tayo ni Bossing…”
Para bang hindi ko narinig ang sinabi niya.
Kabanata 47
K U
B O
“ Pinapauwi na tayo ni Bossing…“
“
Pinapauwi
na tayo ni Bossing…“
“
Pinapauwi
na tayo ni Bossing…“
Paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking isipan ang mga binitawang wika ni Amir kanina dahilan para hindi ako dapuan ng antok.
Hindi ko alam kung anong oras na, ngunit dama kong malalim na ang gabi batay sa lamig ng hanging bumabalot sa buong paligid.
Nakabalot man ako ng kumot, nananatiling bukas na bukas ang aking mga mata, nakatitig sa madilim na kisame na tanging mahinang liwanag mula sa lampara ang nagbibigay ng konting anyo sa dilim.
Kanina lang bago kami matulog ay inihanda na namin ang aming mga gamit hudyat para sa handang pag-alis.
Walang nangangahas kaninang magsalita, tanging mga kilos lamang sa pag-aayos ng gamit ang naging ingay kanina.
Handa na ang aming mga gamit… ngunit ang aking sarili ay hindi pa handang umalis.
Paano na kami?
Hindi ko maitatago na ang tanong na iyan ang siyang bumabagabag sa aking isipan.
Ngunit sa loob ko rin ay sinasagot ko na ang tanong.
Alam ko na sa huli ay hindi ako ang pipiliin niya, hindi ako ang mananatili sa tabi niya.
Alam ko at tanggap ko.
Mas kailangan siya ng mga tao rito sa Chaya.
Narito ang kanyang tungkulin, ang kanyang pangako at mga bagay na higit sa kahit anong personal na damdamin.
Hindi ko inakalang sa ganitong paraan magtatapos ang mga araw namin dito.
Sa lugar na ito na hindi lamang naging tagpuan ng pagkatuto, kung ’di naging tahanan ng mga bagong karanasan.
Dito sa Chaya, hindi lang kami basta natuto. Hindi lang kami nagkaroon ng kaalaman. Dahil dito ay naramdaman namin ang maging bahagi ng isang kultura na parang unti-unti kaming naging dugong Ifugao.
Sumabay sa agos ng kanilang pamumuhay, sa ritmo ng kanilang araw-araw na gawi, at sa mga paniniwalang matagal na nilang pinanghahawakan.
Ngunit sa huli…alam namin na pawang mga bisita lang kami.
Dadaan. Makikibahagi. At aalis.
Paano na kami?
Hindi ko na napigilan.
Dahan-dahan kong tinanggal ang pagkakabalot sa akin ng kumot. Ganoon din ang ingat ko sa pagbangon sa aking pagkakahiga.
Nakita ko ang pwesto ng pagkakahiga ng dalawa.
Ang kanilang puwesto ay parang noong unang beses naming natulog dito sa kubong ito. Magkatalikod, may harang sa gitna, at ramdam ko ang espasyo sa kanilang dalawa.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot.
Nang tuluyan akong makaupo sa pagkakahiga ay napunta ang aking atensyon sa isang instrumentong binigay sa akin ni Tita Lola.
Ang bi-ung.
Nakapatong ito sa ibabaw ng lamesita katabi ng lampara na pawang naghihintay na gamitin ko na.
Ilang minuto pang pagmumuni ang lumipas ay nagdesisyon akong tumayo.
Kinuha ko ang bi-ung sa lamesita at doon isinilid sa bulsa ng aking short.
Dahan-dahan akong lumakad papunta sa pintuan palabas ng kubong ito.
Pagbukas ko pa lamang, agad akong sinalubong ng malamig na simoy ng hangin. Napanginig ang aking tuhod, lalo’t manipis lamang ang aking suot na kamisetang puti.
Ngunit hindi dahilan ang lamig na ito para hindi ko ituloy ang gusto ko.
Pagkasara ko ng pinto ay mabilis akong humakbang papunta sa kabilang kubo.
Sa kubo ni Bossing.
Nang tumigil ako sa harap ng kubo niya ay saglit akong humigit ng hininga, kita kong pilit na lumalabas ang kulay kahel na liwanag mula sa loob ng kwarto niya, hudyat na may tao dahil sa ilaw ng lampara.
Ilang segundo akong nakatitig doon, parang may hinihintay na lakas ng loob.
Hanggang sa tuluyan akong umakyat sa mga hagdan.
Wala na akong rason para umatras.
Iniangat ko ang aking kamay para sana kumatok sa pintuan nito.
Ngunit bago pa man dumampi ang aking kamao, bumukas ang pinto.
Napatigil ako.
Siya ang bumungad sa akin.
Sapat na ang liwanag mula sa buwan at ilaw ng lampara para makita ko ang kanyang itsura.
Seryoso ang kanyang mukha, matapang. Malalim din ang kanyang ginagawang paghinga.
Napatingin ako sa suot niya.
Nakasandong itim dahilan para makita ang magandang hubog ng kanyang katawan.
Mabilis kong iniwasang titigan iyon at bumaling ako ng diretso sa kanya.
Hindi ako makapagsalita, ganoon din siya.
Ilang segundong ganoon ang pwesto namin bago siya tumalikod at iniwang bukas ang pinto.
Tahimik siyang naglakad papunta sa lamesa sa kanan, kung saan naroon ang lampara at ilang librong tila matagal na niyang binabasa.
Umupo siya at ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa, na para bang wala akong presensya roon.
Hindi na siya muling lumingon.
Huminga ako nang malalim.
At pumasok.
Isinara ko ang pinto sa likuran ko at marahang iginala ang aking paningin sa loob ng kanyang kubo.
Agad kong napansin ang bulul na nakapatong sa gitna ng isang mahabang estante sa kaliwa.
Napapalibutan ito ng iba’t ibang bagay tulad ng mga sungay ng usa, bungo ng kalabaw, mga gamit sa ritwal tulad ng gong at pamalo, ilang tangkay ng palay, at iba pang personal niyang kagamitan.
Bawat isa ay may kuwento. Bawat isa ay may kahulugan, at lahat ng ’yon ay tila deskripsyon kung sino siya.
Muli namang bumalik ang tingin ko sa kanan kung saan doon siya’y tahimik na nagbabasa ng libro, tila ba hindi siya maiistorbo.
Napalunok na lang ako.
Bumaling ang tingin ko sa gitna ng kubo.
Wala siyang kama. Ang kanyang higaan na foam ay nakalatag lamang sa sahig, iisa lamang ang unan na nakalagay sa kanyang ulunan.
Ang aking mga paa ay awtomatikong humakbang papunta sa kanyang higaan, matapos ay doon ako dahan-dahang umupo sa gitna bago humarap sa kinauupuan niya.
Hindi parin bumabaling ng tingin ang Bossing, hindi siya nagpaistorbo.
Muli akong napalunok, iniisip kung ititigil ko na ba ang aking gagawin.
Kung hanggang tingin at katahimikan na lamang ba ang kaya kong ibigay sa gabing ito.
Napapikit na lang ako at pinalakas ang aking sarili.
Wala ng oras para sumuko pa.
Dinukot ko ang bi-ung mula sa aking bulsa. Ang instrumentong binigay sa akin ni Tita Lola.
Sa pagitan ng aking hinlalaki at hintuturo, marahan kong hinawakan ang maliit na instrumentong ito. Itinapat ko ito sa aking bibig, ang kaliwang kamay ay maingat na umalalay habang bahagya ko itong inipit sa aking mga labi at idinikit sa aking mga ngipin, may espasyong sapat para hindi ito makagat, kung ’di hayaang manginig sa bawat galaw.
Ito ang unang beses kong papatugtugin ang instrumentong kailan man ay hindi ko pa nahawakan, ngunit aking alam dahil ito’y napanood ko na sa isang dokyumentaryo.
Muli akong huminga ng malalim bago ko inangat ang aking kanang kamay, ang hintuturo sa kanang kamay ang pagsisilbing tatapik sa bi-ung para makagawa ng ritmo.
Diretso akong bumaling ng tingin kay Bossing na nakatalikod parin.
Pumikit ako.
Isang saglit na katahimikan.
Isang saglit ng paghahanda.
At nang muling magmulat ang aking mga mata, sinimulan ko na.
Mahihinang tapik.
Dahan-dahan.
Maingat.
Hindi hinihipan ang paraan para tumunog ang instrumentong ito.
Kung hindi pagbulong.
Mga salitang pagbulong na kung saan ginagawan ng bi-ung ng ritmong hindi masakit sa tenga, kung hindi para bang nagsasalita rin.
Bagama’t gawa ito sa kawayan, ang tunog ng bi-ung ay parang metal na tumatalbog.
Ang mga salitang ibinubulong ko na inihahatid ng bi-ung ay sapat para maagaw ko na ang atensyon ng Bossing.
Doon ay dahan-dahan siyang tumayo.
Napatingala na lang ako sa kanyang malaking katawan habang patuloy ang pagtapik at pagbulong ko sa bi-ung.
Diretso ang tingin ko sa kanya ng doon siya humakbang papunta kanan ko at marahang umupo sa harapan ng higaan.
Mata sa mata.
Hindi napuputol ang aming pagtititigan na para bang ito ang nag-uusap.
Ipinagpatuloy ko ang pagtugtog, hanggang sa maramdaman kong nasabi ko na ang lahat ng nais kong iparating.
Iniabot ko naman sa kanya ang instrumentong ito.
At sa pagkakataong ito ay alam niya kung anong ginagawa ko.
Kinuha niya sa aking daliri ang bi-ung kasabay noon ay inilagay niya ito sa pagitan ng kanyang bibig.
Tulad ng paraan ng aking pagtugtog, sinimulan niya rin itong kulbitin para gumawa ng ritmo.
Sa bawat galaw ng kanyang daliri, sa bawat panginginig ng kawayan, may sagot siyang ibinibigay.
At sa bawat sagot, mas lumalalim ang aming pagkakaintindihan.
Wala mang mga salita ang lumalabas sa aming bibig, alam ko at nararamdaman ko ang gusto niyang sabihin dahil sa ritmong ibinubulong ng instrumentong ito.
Ang ilaw mula sa lampara ang nagsisilbing liwanag dito sa kanyang kubo dahilan para makita ko ang bawat detalye sa mukha at mata ng Bossing.
Natapos siya sa pagkulbit ng bi-ung, iniabot niya itong muli sa akin.
Mabilis kong inilagay muli ang instrumentong ito sa pagitan ng aking bibig.
Sinimulang kulbitin tulad kanina para tumugon sa kanyang sinabi.
Mas mabilis. Mas matapang at mas totoo.
Bawat pagkulbit ay doon mas tumitindi ang palitan ng aming mga tinginan sa isa’t-isa.
Hindi pa nagtatagal ang aking pagtugtog ay kusa na niyang inagaw sa aking bibig ang bi-ung.
Mabilis niya itong inilagay sa kanyang bibig at doon kinulbit-kulbit.
Mabilis din at may diin.
Sa hindi ko malamang dahilan ay hindi lamig ng klima dito ang aking nararamdaman.
Init.
Init ng aming mga katawan.
Dahan-dahan kong inilapit ang aking katawan sa kanya, ang aking kaliwang kamay ay kinuha ang bi-ung sa kanyang bibig.
Tuluyan kong inilapit ang aking mukha sa kanya at doon ito siniil ng halik.
Naramdaman ko ang kanyang pagtugon sa aking halik.
Halik na para bang punong-puno ng mensahe.
Ramdam ko ang init ng kanyang katawan. Ang amoy ng kanyang pagkalalaki.
Ako ang tumapos sa halik na iyon. Bahagya ko ulit na inilayo ang aking katawan sa kanya.
Sumalubong naman sa aking harapan ang namumungay at nanglalaban niyang mga mata.
Napalunok ako.
Muli kaming nagtitigan, tila hinihintay kung sinong unang magsasalita sa aming dalawa.
Hanggang sa…
“Elias.”
Siya ang bumasag ng katahimikan.
“Ang pangalan ko’y Elias.”
Sa unang pagkakataon. Ngayon ko lang narinig ang totoong pangalan niya.
“Elias…” pabulong at paos kong pagtawag sa kanyang ngalan.
Pamilyar.
Para bang ang kanyang pangalan ay pares sa isang tauhan ng isang nobela.
Elias, misteryoso pero matapang at handang magsakripisyo para sa ikabubuti ng iba at ng bayan.
Bagay sa kanya.
Akmang-akma ang kanyang pangalan.
“Ikaw ang nagbigay ng liwanag sa madilim kong buhay…” ramdam ko ang sinseridad sa kanyang wika.
“…at gagawin ko ang lahat para ’di ko na ulit makita ang aking sarili sa lugar na ’yon.”
Marahan niyang inabot ang kaliwa kong kamay.
“Iniibig kita.”
Dahan-dahan niyang hinalikan ang aking kamay habang hindi napuputol ang aming pagtitinginan.
Ngumiti ako.
Ngunit imbis na magsalita.
Hinayaan ko ang aking katawan ang magsalita para sa akin.
Maingat kong hinubad ang suot kong puting kamiseta, mabagal, sinasadya, tila isang ritwal ng paglalantad.
Hindi napuputol ang aming tinginan, bawat galaw ko’y para bang paghahain ng sarili ko sa kanya, walang pagtatago, walang alinlangan.
Unti-unting umangat ang kanyang kamay.
Marahang dumampi sa aking buhok, bumaba sa aking mukha, dumaan sa aking leeg, hanggang sa aking balikat at katawan, haplos na may halong pag-aalangan at pananabik.
Doon ay kita ko ang kanyang paglunok, alam kong pareho kaming kinakabahan.
Dahan-dahan akong umurong, binibigyan siya ng pagkakataong pagmasdan ako na hindi lamang bilang katawan, kund ’di bilang kabuuan ng aking sarili na handang magtiwala.
Itinukod ko ang aking dalawang braso sa higaan at bahagyang iniliyad ang aking katawan.
Siya naman ay doon dahan-dahang pumatong sa aking katawan, napahiga na lang ako ng mabilis niyang sinunggaban ang aking labi sa paraan ng uhaw na uhaw.
Nadadaganan ako ng kanyang katawan, ngunit hindi bigat ang aking nararamdaman.
Kung hindi pag-apoy ng aming mga katawan.
Tila ba pares lamang at swak ang aming mga labi sa patuloy na ginagawang paghahalikan.
Bahagyang umiindayog pa ang aming mga katawan na tila alon na lumalaban.
Ang aking mga kamay ay napahawak nalang sa kanyang likuran, habang siya’y nakahawak sa aking mukha na tila inaalalayan.
Minuto ang tinagal ng pagdidikit ng aming mga labi hanggang sa ito’y naglakbay…
mula sa labi….
….pababa sa aking leeg…
…sa dibdib hanggang sa aking tiyan.
Bawat pagdampi ay may halong kilabot na hindi ko pa kailanman naramdaman.
Matapos niyang magawa iyon ay muli siyang umangat sa aking labi, doon ay muling naglaban sa halik na parang uhaw na uhaw sa isa’t-isa.
May ilan pang pagsulyap ng ngiti sa aming labi na para bang pareho naming naiintindihan ang isa’t-isa.
Na parehong gusto namin ang ginagawa namin.
Na parehong tinatanggap naming dalawa ang isa’t-isa.
Hanggang sa kusa kaming naghiwalay.
Umangat siya, nakaluhod sa ibabaw ko.
Doon ay tinulungan kong muli ang aking sarili na lumiyad ng pwesto.
Napalunok ako ng siya naman ang naghain ng pagkain sa aking harapan, dahan-dahan niyang hinubad ang suot niyang sando.
Malaki.
Malaki ang hubog ng kanyang katawan.
Kitang-kita ang ganda ng kanyang tattoo sa dibdib na dumadagdag sa pag-apoy ng aking mga mata.
Mabilis at wala nang nagawa ang aking kamay kung hindi hawakan ito, ngunit hindi sa paraan kung paano ko unang nahawakan ang kanyang tattoo.
Alam ko na ang paghawak kong ito ay may halo ng pagnanasa.
Doon ay tinulungan niya ang aking kaliwang kamay sa pagdampi sa kanyang katawan…
…mula dibdib…
…pababa sa tiyan…
…at pababa sa kanyang dinadalang pagkalalaki.
Ang aming mga mata’y muling nagtama, pareho nang umaapoy ang aming mga mata.
Parehong naiintindihan ang gusto ng isa’t-isa.
Maya-maya ay mabilis siyang tumayo sa ibabaw ko, naiwan akong nakatingala sa kanya.
Direso siyang tumingin sa akin. Sobrang talim. Sobrang pungay. Nangungusap, na para bang gusto niyang panoorin ko siya sa kung anong sunod na gagawin nito.
Sumilay ang isang ngisi sa kanyang labi bago niya dahan-dahang hinubad ang suot niyang itim na pang-baba, ang natitira niyang saplot sa katawan.
Hindi ko malaman ngunit napahiga na lang ako ng doon tumambad sa aking harapan ang hindi ko akalaing ganoong kalaking alaga niya.
Kitang-kita ko sa ang mas lumawak na pagngisi niya, hudyat na nakita niya ang aking reaksyon sa kanyang pagkalalaki.
Napalunok ako.
Ngunit alam ko sa oras na ito ay hindi ako dapat magpatalo.
Sa aking pagkakahiga, dahan-dahan ko ring hinubad ang suot kong short.
Sumilay ang ngisi sa aking labi, dahil saksi rin ako sa kanyang reaksyon.
Gumilid ako ng higa.
Matapos ay doon siya sinenyasan na humiga rin.
Dahan-dahan ang kanyang pagbaba at paghiga.
Sa oras na ito, pareho naming alam kung anong gusto naming kainin.
Parehong putahe, parehong ulam.
Sabay naming inayos patagilid ang higa.
Ang kanyang binti at paa ay nasa sa aking ulunan, ganoon din ang aking pwesto.
At parehong nasa aming harapan ay ang nakahain na pagkain.
Ako ang nauna, kaya ganoon na lang ang naramdaman kong pagkadyot ng kanyang mga binti hudyat na siya’y nakikiliti.
At sa pagkakataong ito, amoy na amoy ko ang kanyang pagkakalalaki.
Hindi matapang, kung hindi mabango at nakakaadik.
Masasabi kong malaki, dahil hindi kasya ang buo sa aking bibig, at hindi rin magawang masakal nang tuluyan ng aking kamay.
Dahan-dahan ang ginawa kong pagsubo sa kanyang alaga. Taas, baba.
“Hhhmmmmm…” hindi napigilang pagungol habang nasa loob ng aking bibig ang alaga niya.
Napapapikit pa ako dahil sa sarap na aking nararamdaman. “Hhhhhmmmmmmmm…”
Maya-maya pa ay nakaramdam ako ng hindi pamilyar na sensasyon sa aking pagkalalaki.
Nakakakiliti, mainit.
Hindi ko mapigilang napaungol sa kanyang ginawang pagsubo dito.
“Ahhhhhh….hmmmmmm..”
Napapadiretso pa ang aking mga binti, naiikuyom ang mga daliri sa aking paa dahil sa sensasyon ng ibinibigay niya.
Ganoon din ang reaksyon ng lalaking ito, rinig ko ang mahihina ngunit malalim niyang pag-ungol.
“Ahhhmmmm…hhmmmmm.” Para bang musika dahil masarap pakinggan.
Sa paraang iyon ay hindi ko maitatanggi na ang aksyong iyon ay nagbibigay sa akin ng hindi pamilyar ngunit masarap na sensasyon.
“Ahhh..ahhhh…hhmmmm.”
“Hhhmmmmmmmm…aaahmmm…”
Panay ang kadyot, panay ang pagbaba at taas ng aking ulo sa patuloy na pagsubo dito.
Ramdam ko ang nangingilid na tubig sa aking mata dahil halos mabulunan ako sa laki ng alaga niya.
“Hhhmmmmm…”
Patuloy ang aking pagsubo.
Sa pagpapatuloy ko ay ramdam kong para bang mas lumalaki sa bunganga ko ang kanyang pagkalalaki.
“Hhhhmmm…hhmmmmm…”
Sa loob ng misteryosong bumabalot sa kubo niya, may dalawang nilalang na para bang parehong gutom na gutom sa laman.
Umaapoy.
Umaapoy ang aming mga katawan.
Lumalakas.
Lumalakas ang mga ungol na inilalabas din ng aming bibig.
Pagmamahal.
Alam kong pagmamahal ang aksyon na nangyayari ngayong oras na ito.
Maya-maya pa ay parehong alam namin na paparating na kami sa dulo.
Itinigil namin ang pagkain sa isa’t-isa.
Mabilis siyang umayos ng higa.
Sa tabi ko ay doon tila marahas na sinunggaban niya ang aking labi.
Hindi ako nagpatalo at ganoon din ang ginawa kong paglaban sa kanyang halik.
Sa paghahalikang ito ay pareho naming inaalayan ang sarili na maabot na ang dulo ng langit.
Mas mabilis na ang palitan ng mga ungol at halinghingan naming dalawa.
Nakaunan na ang aking ulo sa kanyang malapad na braso.
Habang pareho naming hawak ang mga alaga ng bawat isa.
Madiin, halos ayaw pakawalan.
“Ahhhhhmmmm…” ungol niya dahil mas hinigpitan ko ang kapit sa kanyang alaga.
“Hhhmmmm….”
“Ahhhhh….hhmmmm…ahhh….”
Mas bumilis ang pagtaas at pagbaba sa aming mga alaga.
“Ahhh…Cali….ahhh…”
Ilang segundo pa. Parehong naramdaman na namin ang dulo ng langit.
Parehong nagpakawala ng puting likido ang aming mga katawan, na simbolo lamang ng nararamdaman namin sa isa’t-isa.
At sa pagkakataong ito, ang apoy ay unti-unti ng nauupos.
“Mahal kita.”
“Mas mahal kita.”
Isang matamis na halik ang tumapos sa gabing ito.
Isang halik na hindi na kailangan ng paliwanag, dahil lahat ay nasabi na.
Kabanata 48
T A D H A N A
Bumukas ang aking mga mata. Sumalubong ang hindi pamilyar na kisame.
Naalimpungatan ako sa aking pagtulog, dito sa loob ng kubo niya.
Dahan-dahan kong binaling ang tingin sa kanan, kung saan alam kong doon siya nakahiga kagabi. Ngunit sa aking pagbaling ay wala siya sa aking tabi.
Naramdaman ko na lamang ang nakapatong sa akin na makapal na kumot, na dahan-dahan ko ring inalis.
May natitirang init pa iyon, ngunit hindi ko matukoy kung mula ba iyon sa kanya o sa sarili kong katawan.
Umayos ako ng tayo, saka umupo sa foam. Doon ko napansing maluwag ang suot-suot kong pang-itaas.
Suot ko’y puting longsleeve. Ang longsleeve na madalas kong makitang suot niya.
Napangiti ako, marahan, halos hindi ko namamalayan. Inangat ko ang kwelyo at dahan-dahang inamoy.
Hindi ko alam kung anong oras na…at kung saan siya pumunta.
Ngunit sa katahimikan ng paligid, tila ba napakalayo pa ng umaga.
Napabaling ang tingin ko sa kanang bahagi ng kubo kung saan naroon ang lamesa.
Nakapatong dito ang isang lampara na mahina na ang ibinibigay na liwanag, tila ba malapit nang mamatay ang apoy nito ngunit patuloy pa ring lumalaban.
Dahan-dahan akong tumayo at tinumbok ang upuang nakaharap sa lamesa.
Bawat hakbang ko’y maingat, tila ayaw kong guluhin ang katahimikan ng lugar…o baka naman ang sarili kong iniisip.
Doon ko nakita ang kanyang mga gamit. Mga personal na bagay na simple lamang, ngunit maayos ang pagkakaayos.
Ngunit higit sa lahat, ang mas umagaw ng pansin ay ang mga libro. Marami ito at karamihan ay hindi pamilyar sa akin.
Inabot ko ang lampara at marahang tinaasan ang apoy nito. Bahagyang kumislap ang liwanag, saka luminaw ang buong paligid.
Sa liwanag na iyon, mas lalo kong nakita ang mundo na binuo niya rito. Isang mundong tahimik, ngunit punong-puno ng lalim at kuwento.
Maingat akong umupo sa upuan at doon tahimik na pinagmasdan ang kanyang mga kagamitan.
Isa-isa kong inusisa ang mga libro, karamihan ay tungkol sa livelihood, tulad ng pagtatanim, pag-aalaga ng mga hayop. May mga libro namang alam kong tungkol sa mga history at well-being base sa pamagat nito.
Sa aking harapan ay doon nakahain ang isang libro na wari ko’y ito ang binabasa niya noong pumunta ako dito sa kubo niya.
Nakabukas ito na tila hindi pa niya tapos na basahin.
Saglit ko itong tinitigan.
Dahan-dahan kong sinilip ang laman ng pahina, at doon ko nakumpirmang ang librong ito ay patungkol sa mga batas. Inangat ko ang tingin ko sa pabalat nito…tama nga.
Pangbatasan. Kapangyarihan. Hustisya.
Sa pagkakataong iyon, may kung anong tumama sa akin.
Kahit anong gawin naming tulong…alam kong mas nauuna pa siya sa amin. Mas malayo ang iniisip niya. Mas malalim ang hinuhukay niyang sagot.
Saglit kong tinitigan ang buong kwarto.
Tahimik. Payapa. Para bang sa loob ng maliit na kubong ito, nawawala ang bigat ng mundo.
Para bang pansamantala, nakalimutan ko ang lahat ng problema.
Batid kong hindi pa ito ang oras ng pag-gising, tahimik pa ang labas. Rinig pa rin ang huni ng mga insekto at ilang mga paghampas ng hangin dito sa kubo.
Muli akong napatingin sa aking suot na longsleeve.
Napangiti ako, mas malinaw na ngayon, nang maalala ko ang nangyari kagabi. Ang mga salitang hindi sinabi ngunit naramdaman. Ang mga titig na mas malalim pa sa kahit anong paliwanag.
Sa oras na ito, ay para bang alam ko na ang sagot sa kung anong mangyayari sa aming dalawa.
Bumaling akong muli sa harap ng lamesa nang maramdaman kong may tumatama sa aking tiyan mula rito.
Bahagya akong napaatras at sinilip ang ilalim.
May nakausling drawer.
Dahan-dahan ko itong hinila, dala ng kuryosidad na hindi ko mapigilan.
Seryoso ang aking mukha habang tuluyan kong binubuksan ang drawer.
At agad-agad na umagaw sa aking atensyon ang isang bagay.
Ang aking bracelet.
Ang bracelet na tila naging tulay para masagot ang lahat ng aking mga tanong…at sabay ding nagdagdag ng mas marami pang tanong.
Kinuha ko ito at saglit na tinitigan. Mabigat. Hindi sa timbang, kundi sa kahulugan. Marahan ko itong ipinatong sa ibabaw ng nakabukas na libro.
Muli kong sinuyod ng tingin ang laman ng drawer. At doon, may isang bagay na pamilyar ang anyo, isang papel na nasa loob ng clear envelope.
“Birth certificate?” pagkumpirma ko, bago dahan-dahang inilabas sa drawer at ipinatong sa lamesa.
Saglit kong isinarang muli ang drawer bago ako umayos ng upo para makita nang maayos ang papeles na inilabas ko.
Nakumpirma kong birth certificate niya nga ito.
Hindi ko na inilabas sa clear envelope ang papeles dahil baka madumihan ko pa.
Agad namang tinumbok ng aking tingin ang kanyang pangalan.
“Ignacio Elias Montemayor,” mahina kong pagbasa kanyang pangalan.
Napangiti ako.
“Ignacio?” tila ba hindi bagay sa kanya ang pangalang ito, dahilan kaya siguro ang pangalawa niyang pangalan ang sinabi sa akin kagabi.
Saglit ko pang inusisa ang ilang detalye ng kanyang birth certificate.
“December twenty-five, nineteen ninety-nine.” Pagbasa ko sa kanyang araw ng kapanganakan.
“Sa pasko ang birthday niya…” bulong ko.
Hindi naman mapigilan ng aking isip kung paano niya ipinagdiriwang ang kanyang birthday kahit na alam kong hindi niya rin siguro ito sineselebreyt.
Ilang segundo pang pagbasa sa papeles ay nagdesisyon akong itigil ito at doon muling ibalik sa loob ng drawer.
Pagbukas ko ng drawer at aktong ibabalik ko ang clear envelope ay doon bumungad sa akin ang pamilyar na piraso ng papel.
“Ha?” hindi ko mapigilang tanong habang diretso ang tingin dito.
Saglit kong ibinaba muli ang envelope sa lamesa at tuluyang pinagmasdan ang nasa loob ng drawer.
Tumambad sa akin ang iba pang mga piraso ng papel at litrato na hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman.
Ang tanging tanong agad sa akin ay bakit meroon siyang ganito?
Kinuha ko ang papel na nasa ibabaw.
Ang piraso ng papel na kung saan ito ang aking guhit sa mukha ni Emilio mula noong napapanaginipan ko sila, na dito ko sa Ifugao natapos ang pag-guhit sa mukha niya.
Naalala kong pinilas at ginusumot niya ito sa harapan ko, kaya nagtaka na lamang ako.
“Bakit buo pa ’to?” ang taka kong tanong.
Bahagya kong binaliktad ang papel na may guhit at doon sa likod ay tumambad sa akin ang isang nakasulat na date.
February 13, 1942
Napalaki na lang ang aking mata.
Mas bumilis ang tibok ng puso.
Kung hindi ako nagkakamali. Kung hindi nagsisinungaling ang puso at isipan ko.
Ang kapit ko’y hindi aking iginuhit.
Kung hindi sa kanya.
Guhit ni Caloy.
Mabilis kong ibinaba ang papel na para bang napaso ang aking mga kamay.
Nanginginig ang aking mga kamay.
Ganoon din ang pawis sa aking katawan. Nagtataasan ang aking mga balahibo. Para bang panaginip lang ito.
Bakit meron siya nito?
Muli akong bumunot pa ng isang papel.
Ang papel na hawak ko ay pamilyar.
Isa itong guhit ng mga pine trees, maayos ang pagkakalarawan, tila ba bawat linya ay may dalang alaala. At hindi ako nagkakamali na sa ibabang bahagi nito ay nakasulat ang mga salitang “Mahal Kita.”
Tanda ko.
Tanda ko kung anong istorya ng guhit na ito.
Mabilis kong inilapag ang papel, halos hindi ko na kayang pagtagalan ang bigat ng pakiramdam na dulot nito.
Hanggang sa napunta ang aking atensyon sa isang nakatuping papel.
Luma na ito.
Halatang matagal nang nakatago. May mga mantsa na hindi ko matukoy kung ano dahil tuyo na, ngunit malinaw na may pinagdaanan. May ilang punit na rin sa gilid, tila ba ilang beses na itong nabuksan.
Napalunok ako.
Mas nanginig ang aking mga kamay, ganoon din ang aking buong katawan.
Mas bumibilis ang tibok ng puso ko. Ganoon din ang aking malalalim na paghinga.
Dahan-dahan kong binuksan ang nakatiklop na papel.
Parang bawat galaw ko’y mabigat.
Parang may pumipigil.
Parang may boses sa loob ko na nagsasabing huwag ko na itong ituloy.
Ngunit huli na.
Dahil kung hindi ako nagkakamali.
Ang papel na ito ay isang liham.
Liham na ibinigay ni Emilio kay Caloy.
Isang liham na dapat mabasa ni Caloy sa panahong tapos na ang kaguluhan.
Ngunit alam kong ang liham na ’to ay hindi kailanman niyang nabasa.
Dahil sa katotohanang mas nauna pa siyang nawala kaysa makita ng kanyang mga mata ang kanilang tagumpay.
Nanikip ang aking dibdib.
Hindi ko alam kung may karapatan ba akong basahin ang liham na ito.
Hindi ito para sa akin.
Hindi ito bahagi ng aking panahon.
At higit sa lahat…hindi ako ang taong inaasahang makabasa nito.
May kung anong nangingilid na luha sa pagitan ng aking mga mata.
Nang tuluyan kong mabuksan ang liham, doon ko nakita ang laman at sulat nito.
Kupas na ang tinta, may mga bahagi na halos hindi na mabasa. Ngunit sapat pa rin upang maintindihan.
Sapat para marinig.
Sinimulan kong basahin ang sulat gamit ang aking mga mata.
Ngunit sa pagkakataong iyon…
Hindi ang sarili kong boses ang aking narinig.
Kung hindi siya.
Ang sumulat ng liham para sa kanya.
Si Emilio…
Mahal kong Caloy,
Unang beses kitang nakita sa kampo, bumilis talaga ang tibok ng puso ko. Totoo pala talaga yung sinasabi nila na sa unang beses mong makita ang taong para sayo ay mapapasabi na lang talaga na ‘mamahalin kita, maging sino ka man’
Pagpasensyahan mo na ako sa mga araw na kinukulit at pinapakulo ko ang dugo mo. Natutuwa lang talaga ako sa ’yo, at sa tuwing nakikita ko ang mga pagsalubong mo ng kilay, ang pag-ngiti mo at pagtawa ay talagang tumatalon sa tuwa ang puso ko.
Ang mga gabing pagtakas natin sa baraks, hinding-hindi ko yon makakalimutan. Dahil sa ilalim ng puno ng mangga, sa ibabaw ng pag-upo natin sa troso ay doon kita mas nakilala, at doon ko masasabing mas minahal kita.
Araw-araw hindi lulubog ang araw ng hindi ko maipapakita sayo ang aking gawi para sabihing mahal kita.
Alam ko na may bahagi sayo na kinukwestyon mo na kung ang pag-ibig natin ay isang kasalanan…ngunit paano ito naging kasalanan? Gayong ang ginagawa lang naman natin ay magmahalan?
Mahal kong, Caloy. Ang pag-ibig ko sa yo ay tunay. Ikaw ang kaligayahan ko at ikaw ang buhay ko.
Nasabi ko sayo na ikaw ang naging rason para matakot akong mamatay, dahil alam ko sa aking sarili na ikaw na ang makakasama ko sa pang habang-buhay.
Ang makita ang pagputi ng mga buhok nating dalawa ang isa sa aking ipinagdarasal.
Kung may pagkukulang man ako sa panahong magkasama tayo. Ipinapangako ko na pagkatapos ng lahat ng kaguluhang ito, hayaan mo akong punan ang lahat ng kulang ko.
Mahal ko. Ikaw ang tanging iniibig ko.
Iniirog ko.
Minamahal ko.
Nagmamahal,
Emilio Montemayor
Pagkatapos kong mabasa ang sulat, doon ko na lamang pinunasan ang luha sa aking mga mata.
Hindi ko namalayang tuloy-tuloy na pala itong tumutulo.
Nanginginig ang buo kong katawan.
Nahihirapan na akong huminga.
Parang hindi ko na kaya.
Mabilis kong ipinatong ang liham sa lamesa, tila ba hindi ko na kayang hawakan pa ito, hindi dahil sa papel, kundi sa bigat ng emosyon na bumagsak sa akin sa sandaling iyon.
Mabigat.
Sobrang bigat.
Para bang may kung anong dumagan sa aking dibdib na hindi ko maitulak palayo.
Hindi ko akalain na ang sulat na ito ay hindi kailanman nabasa ng taong para sa kanya.
Na ang bawat salitang puno ng pag-asa, pangungulila, at pagmamahal ay nanatiling tahimik sa loob ng papel na ito sa loob ng napakahabang panahon.
Paghikbi ang aking naging tugon habang hindi pa rin nawawala ang kaba na nararamdaman ko ngayon.
Ilang minuto kong pinilit pakalmahin ang sarili ko.
Huminga ng malalim.
Pumikit.
Pinunasan ang natitirang luha.
Ngunit kahit anong pilit kong ayusin ang sarili ko ay may nananatiling gulo sa loob ng aking isipan.
Muli kong iginala ang aking mga mata sa liham.
Sa huling bahagi ng liham na ito ay doon ko nakita ang buong pangalan ni Emilio.
Napahinto ako.
Dahan-dahan akong napatingin sa kanyang apelyido.
At halos sabay kong inabot ang birth certificate na nasa lamesa.
Muli kong tiningnan ang pangalan.
Parehas.
Pareho.
Parang may kumalabog sa loob ng aking ulo.
Napabuntong hininga na lang ako.
Sinusubukang kumbinsihin ang sarili na baka nagkataon lang.
Ngunit iba ang binubulong ng isipan ko.
“Sino ka ba talaga?” hindi ko napigilang bulong.
Muli kong ibinalik ang aking tingin sa loob ng drawer at doon ay nakita ko ang isang kupas na larawan na sapat pa rin ang linaw nito upang makita ang dalawang taong nasa litrato
…si Emilio at si Caloy.
Magkatabi. Parehong nakangiti. Isang ngiti na tila ba walang bahid ng sakit, at takot ng digmaan.
Ngunit hindi ito ang naging dahilan para ako’y manlamig.
Mas lumaki ang aking mga mata.
Unti-unti akong napayuko, tila ba hindi na kayang panindigan ng aking katawan ang aking nakikita.
Nanginginig ang aking mga kamay nang kunin ko ang isa pang larawan.
Mas matagal kong tinitigan ito.
Mas mabagal ang paghinga ko.
Hindi ko alam kung sino ba talaga siya.
Hindi ko alam kung bakit may itinatago siyang ganito.
Hindi lang ito basta larawan.
Anong rason kung bakit siya meroong larawan nito.
Larawan ng aking lolo.
Nakauniporme siya ng pang-sundalo.
At sa kanyang kaliwang tabi ay doon nakatayo ang isang batang lalaki na halos nasa labing limang taong gulang.
Pamilyar ang mukha.
Sa sobrang pamilyar ay tuluyang bumilis ang tibok ng puso ko.
Dahil ang batang iyon…
…ang batang nasa tabi ng aking lolo…
…ay walang iba kung hindi ang aking ama.
Parang huminto ang oras.
Punong-puno man ng katanungan ang aking pag-iisip ay doon ko masusing sinuri ang larawan ng aking lolo at papa.
Ang larawang iyon ay batid kong kuha sa harapan ng aming bahay sa Japan, base sa pamilyar na atmospera at lumang bahay sa likod nila.
Suot ng aking lolo ang kanyang unipormeng pang-sundalo. Habang ang aking papa ay nakasapatos, short at puting damit.
Napunta ang aking tingin sa kaliwang pulsuhan ni papa, inilapit ko pa ang aking mukha para makita ito ng ayos.
At doon ay nakita ko ang suot-suot niya.
Isang pamilyar na pamilyar na bagay.
Ang bagay na naging tulay sa lahat ng kasagutan sa aking mga panaginip.
Ang suot niya ay ang bracelet. At alam kong sa pagkakataong ito ay ito ang bracelet na ibinigay niya sa akin noong nabubuhay pa siya.
Mabilis kong inilapag ang larawan sa lamesa.
At doon ay napatayo ako.
Hindi dahil sa kaba. Kung hindi sa takot.
Isang takot na hindi ko maipaliwanag.
Isang takot na tila ba may kung anong mas malalim, mas madilim, na unti-unting lumalantad sa harap ko.
Pakiramdam ko’y pinaglalaruan lamang ako.
Hindi lamang ng isang tao, kung hindi ng panahon, alaala, at katotohanan.
Bumibilis ang tibok ng puso ko na halos mabingi na ang tenga ko.
At bago pa ako magalaw sa aking puwesto.
Bigla akong nakarinig nang sunod-sunod na alingawngaw ng pagputok ng baril mula sa labas.
Wala na akong sinayang na oras pa.
Mabilis kong tinumbok ang daan palabas ng kubong ito.
At pagbukas ko pa lang ng pintuan ay doon na sumalubong ang isang amoy.
Amoy ng nasusunog.
Matapang. Mapait. Nakakasakal.
Mabilis kong inihakbang ang aking mga paa upang makaalis sa kubong ito, at pagtanaw ko sa harapan ay doon ko nakita ang isang tila pag-alon ng lumalaking apoy.
Napalaki ang aking mga mata sa aking nakikita.
Hindi ito basta sunog, para itong dagat.
Dagat ng apoy na walang tigil sa pagkalat.
Maya-maya pa ay muling umalingawngaw ang ng sunod-sunod na putok ng baril.
Anong nangyayari?
Hindi ko na namalayan kung kailan nagsimulang kumilos ang aking mga paa.
Kusa na lamang akong humakbang paalis sa aking kinatatayuan na tila ba hinihila ako ng kaguluhan sa ibaba.
“Where are you going, Cali!?” galit ngunit nanginginig na boses ni Ghon ang sumalubong sa akin.
Hindi ako tumugon.
Hindi ko kaya.
Sa mukha pa lamang niya, kitang-kita ko na ang takot at pag-aalala.
“Cali!” muli niyang sigaw.
Ngunit nilagpasan ko siya.
Hindi ko maisip na ang tahimik na malawak na palayan na aking tinatanaw tuwing gabi, ang palayang nagbibigay sa akin ng kapayapaan…
…ngayon ay kinakain na ng apoy. Para bang isang bangungot na ayaw kong paniwalaan.
Sa aking patuloy na pagbaba, doon na unti-unting lumalakas ang mga hiyawan at sigawan na nagmumula sa kaguluhan.
Mabilis ang aking paghakbang sa makitid na batong hagdan, hindi na alintana kung ako ba’y madapa.
Basta sa oras na ito, alam ko na parang kailangan ako.
Maya-maya pa ay doon ako nakakasalubong ng mga taga-Ifugao.
Umiiyak, sumisigaw, mga bata at mga matatanda.
Tila ba humahanap ng ligtas na lugar na sila’y hindi madadamay sa gulo.
Mistulang nagtatago at tumatakbo para iligtas ang sarili sa lupaing kinagisnan at kinalakihan.
Tuluyan na akong nakababa.
Nandito na ako sa sentro.
Ang sentrong tahimik ngunit punong-puno ng kuwento at kaligayahan ay taliwas sa nakikita ko ngayon.
Parang impyerno.
Nasusunog ang mga tahanan.
Nasusunog ang palayan, ang bunga mula sa kanilang pawis at dugo.
Palay na sumisimbolo sa kanilang kultura, yaman, kasipagan at pagkakakilanlan.
At ngayon, unti-unti na itong nagiging abo.
Kaliwa’t kanan ang kanilang takbuhan.
Sigawan. Hiyawan.
At higit sa lahat ay ang pakikipaglaban.
Pansin ko ang mga pamilyar na mga mukha ng mga taga-Ifugao na ngayon ay kitang-kita ang kanilang pakikipaglaban sa mga lalaking mukhang kawatan.
Napatigil ako.
Hindi ako makagalaw.
Ito ba ang sagot nila?
Ito ba ang tanging paraan?
Ito ba ang solusyon sa problemang kaya namang wakasan ng hindi gumagamit ng dahas at armas?
“Tita Lola!” aking sigaw ng makita ko ang sitwasyon ng matanda sa gilid ng sentro.
Mabilis kong tinumbok ang kanyang pwesto, nakaupo ito sa lupa, mukhang mahina, nasaktan, ngunit pilit paring lumalaban.
“Tita Lola…” agad akong lumuhod sa kanyang tabi, pinantayan ang kanyang tayo.
Hinawakan ko ang kanyang ulo ng makitang may dugo ito.
“Sino hong may gawa sa inyo nito?” nanginginig kong tanong.
Umiling siya.
“Ayos lang ako,” hinihingal niyang tugon, pilit na pinipikit-pikit ang kanyang mga mata.
“Tita Lola…” nagsisimulang magkumahog.
Hindi ko alam kung ano bang dapat kong gawin.
“Wag mo akong alalahanin…” pagod niyang sabi.
Dahan-dahan niyang inangat ang kanyang kaliwang kamay.
At tumuro sa unahan.
“Si…si Bossing…” halos pabulong niyang wika.
Mabilis akong napalingon.
At doon.
Nakita ko siya.
May hawak na gulok.
Nakikipaglaban. Umiiwas at umaatake sa lalaking may hawak ring armas.
Para siyang bagyo sa gitna ng kaguluhan,
Kitang-kita ang kanyang lakas.
Ngunit may kung anong gumalaw sa aking paningin.
Isang lalaki na may hawak na baril.
Nakatutok sa kanya at handang pumutok anumang oras.
Sa hindi ko malamang dahilan ay doon ako tumayo.
Tumayo ako na parang hindi ko pinag-isipan kung tama ba ang ginawa ko.
Tumatakbo na ako.
Mabilis.
Mas mabilis pa sa dati.
Diretso at hindi lumilingon kahit na ilang beses kong narinig ang pagtawag nila sa aking pangalan.
Patungo ako sa kanya.
Patungo sa panganib.
Patungo sa sagot.
At ilang segundo pa…
Isang malakas na putok ang umalingawngaw sa magulong gabi.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Sunod-sunod.
“Cali!” sigaw niya.
Bigla siyang humarap sa akin para saluhin ako.
Hindi ko alam kung bakit ko ito ginawa, hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas.
Ngunit sa aking isipan ay para bang ito ang tanging bagay na tama.
Para bang ito talaga ang itinadhana.
Para bang sadyang inilaan ko ang aking sarili para maging kalasag niya.
“Cali!” muli niyang sigaw.
Tuluyan na akong nawalan ng balanse.
Napahiga.
Ngunit hindi ko naramdaman ang lupa dahil sinalo niya ako.
Sa kanyang bisig.
Kitang-kita ko ang kanyang mukha.
Malinaw, napakalapit, at pamilyar.
Pamilyar ang senaryong ito na para bang nangyari na sa buhay ko.
Hindi ko alam ngunit nakakaramdam na ako ng antok.
Bumibigat na ang mga talukap ng aking mga mata.
“Cali.”
Umiiyak ba siya?
May natitira pa akong lakas.
Dahan-dahan kong itinaas ang aking kaliwang kamay para doon punasan ang luhang tumutulo sa kanyang mata.
Ngumiti ako.
Isang ngiti na para bang ito na ang huli.
“Elias…” mahina kong bulong.
“Mahal ko…”
Kabanata 49
A R A
W
March 1942, Unknown Forest, Philippines
“Mahal ko…” wala nang boses na lumalabas sa akin, isang hangin na lamang ang sumasabay sa bawat salita.
“Caloy…mahal ko…” hindi ko na alam kung ilang beses kong tinawag ang pangalan niya.
Paulit-ulit.
Parang kung uulitin ko lang nang uulitin, baka sakaling bumalik siya. Baka sakaling gumalaw. Baka sakaling sumagot.
“Mahal ko. Caloy…”
Alam kong hindi na siya sasagot ngunit patuloy pa rin ako sa pagtawag sa kanya.
Sa ilalim ng madilim na gabi, napapalibutan ng nagtataasang puno, ang mundo ay bigla na lang tumahimik.
Isang katahimikan na nakakatakot na parang walang nangyaring kaguluhan, walang bakas ng putok ng baril, walang sigawan, walang kamatayan.
Hindi ko na alam kung anong aking nararamdaman.
Manhid na ang puso ko, manhid sa pagkakataong hindi ko alam kung bakit siya pa…
…kung puwede naman ako na lang?
Ako na lang sana.
Ako na lang sana ang pinagkaitan ng buhay, hindi siya.
Hindi ang mahal ko.
Ang mahal ko na siyang dahilan kung bakit nais ko pang ipagpatuloy ang buhay ko…
Ngayong wala na siya…
Paano na ako?
Sa aking bisig, mahigpit ko siyang niyakap.
Paulit-ulit kong hinahagkan ang kanyang noo, ang kanyang pisngi, kahit malamig na, kahit wala nang tugon.
“Caloy…bakit mo ’to ginawa…” wala ng luha na pumapatak sa aking mata, ubos na.
Sobrang sakim ng mundo.
Sobrang damot ng mundo.
Sa sandaling nakita ko na ang liwanag, ang dahilan para mabuhay, para lumaban…
…kinuha rin agad.
At itinulak ako pabalik sa dilim.
Mas madilim.
Mas malamig.
At mas nakakatakot.
Ito ba ang parusa sa mga nagawa kong kasalanan?
Kasalanang hindi ko naman ginawa sa buhay kong ito, mga kasalanang ginawa sa buhay ko noon.
Kung ito man ang kabayaran sa mga nagawa kong kasalanan, mabuti pang ako na lang din ang tumapos sa sarili kong buhay.
Hindi ko alam ngunit gumalaw na lang ang aking kamay upang abutin ang isang mahabang baril na nakalapag sa lupa.
Siguro nga ay ito ang tanging paraan para matapos na ang lahat ng sakit.
Kung wala na siya, mabuti pang mawala na rin ako dito sa mundo.
Mabilis kong ikinasa ang baril, itinutok ko ang bunganga nito sa aking baba.
Nakaturo sa itaas papunta sa utak, siguradong sa isang putok lamang ay hindi ko na mararamdaman ang sakit na aking nararamdaman.
“Mahal ko…” nakatingin ako sa kanya, sa mukha niyang wala ng buhay.
“Wala ng rason para mabuhay pa ako…” paos na pasok na wika.
“Kung wala ka…wala na rin ako…” inihanda ko na ang aking sarili.
“Mahal na ma-”
Hindi ko na naituloy ang aking sasabihin.
Isang matigas na hampas ang tumama sa aking ulo.
Napahiga ako.
Hindi ako magalaw, para bang isang paralisado, nawala ang kontrol sa sarili kong katawan.
Bukas ang aking mga mata, ang higa ko’y nakagilid dahilan para makita ko pa rin ang nakahandusay niyang katawan.
“Nani o shite iru no?”
Isang boses.
Malamig.
Hindi pamilyar.
Isang sundalong hapon.
Gamit ang aking mga mata at sa ilalim ng madilim na gabi ay pilit kong inaaninag ang taong ito.
Doon ang sundalo ay nasa gilid ko at nakatayo, binalingan niya ako ng tingin habang nakita ko ang pagbitaw niya sa isang kahoy na sa tingin ko ay ito ang ginamit niyang pangpalo sa ulo ko.
Seryoso ang kanyang mukha.
“Kore wa anata no kimochi e no kotae janai,” hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.
Ngunit hindi ko na kailangang maintindihan pa, dahil sa sandaling ito, galit ang nararamdaman ko.
Sinusumpa ko ang lahat ng mga katulad niya.
Wala silang karapatan na tumapak sa lupang aming kinagisnan, sa lupang aming minamahal.
Wala silang karapatan para kumitil ng buhay.
Nakita ko ang pagngisi niya sa akin, bago siya humakbang papunta sa katawan ng mahal ko.
Gusto kong sumigaw.
Gusto ko siyang pigilan.
Pero hindi ko magawa. Paralisado ang buo kong katawan.
Nakasunod lang ang aking mata sa kanya.
Doon ko nakitang umupo siya sa tabi ng nakahandusay na katawan ni Caloy.
Napalaki ang aking mata ng makitang hinawakan niya ang mukha nito, kasabay noon ay doon ko nakitang inangat niya ang kaliwang pulsuhan niya at doon may kinuha sa nakasuot sa kanya.
Ang pulseras.
Kinuha niya ang pulseras na nakasuot kay Caloy.
Gusto kong tumayo.
Gusto kong lumaban.
Gusto kong tapusin ang buhay ng sundalong hapon na ito.
Ngunit hindi ko talaga magawa, dahil hindi ako makagalaw.
At sa hindi malamang dahilan ay doon na lang ako nakaramdam na pagpikit ng talukap ng aking mga mata.
Sa oras na ito hiniling ko na lamang na sana ay hindi na ako magising pa.
Wala.
Wala na akong nararamdaman.
Manhid.
Manhid na manhid na ako, na para bang pati ang sakit ay napagod na rin sa akin at iniwan na lamang ako sa isang tahimik na kawalan.
Bakit?
Bakit nagising pa ako?
Wala nang luha sa aking mga mata. Wala nang boses at salita sa aking bibig.
At hindi ko rin alam kung tumitibok pa ba ang puso ko.
Nanghihina man ako, patuloy pa rin ako sa aking ginagawa.
Tinatabunan ko siya.
Tinatabunan ko ang katawan ni Caloy ng mga dahon.
Marahan, maingat, na para bang kahit sa huling pagkakataon ay ayaw ko siyang masaktan.
Ilang oras na ako rito, paulit-ulit na kumukuha ng dahon, paulit-ulit na bumabalik sa kanyang tabi.
Ngunit para bang hindi natatapos.
Ayokong matapos.
Maliwanag na, ngunit sa tingin ko’y ilang oras din ay lulubog na ang araw.
Nang makita kong sapat na ang mga dahon para matakpan ang kanyang buong katawan, napaluhod nalang ako sa kaliwang bahagi niya.
Doon ko pinagmasdan ang kanyang natatakluban na katawan.
Segundo, minuto, at oras.
“Paalam…mahal ko.”
Tila ba tinanggap ko na lang ang lahat.
Dahan-dahan akong tumayo at sinimulang humakbang sa kagubatang hindi ko alam kung nasaan ako.
Hindi ko na nagawang lumingon dahil alam kong kapag ginawa ko iyon ay may magawa pa akong hindi niya magugustuhan.
Hindi ko na dinadaing ang sakit ng mga paa ko, dahil kung may isang bagay na mas masakit…ito ay ang puso ko.
Patuloy ako sa paglakad sa ilalim ng mga matatayog na puno.
Naglalakad ako dito na para bang alam ko kung saan ako pupunta. Walang direksyon, walang patutunguhan.
Lumipas ang minuto at oras ng aking paglalakad, napatigil ako.
Mistulang naabot ko na ang dulo ng kagubatang ito.
Ilang hakbang pa ang aking ginawa ng doon sumalubong sa aking harapan ang isang bangin.
At sa ibaba ng bangin na ito ay doon ko nasaksihan ang tila ba isang nakatagong paraiso.
Malawak, tahimik, buhay. Berdeng-berde ang buong paligid.
Hagdang-hagdang palayan.
Sa hindi ko malamang dahilan ay may himalang tumulong luha sa aking mga mata.
Hindi ko alam kung dahil ba sa aking nakikita, o sa ideyang nanghihinayang na hindi niya nakikita ang paraisong nasa harapan ko.
Dahan-dahang umangat ang aking ulo.
Napunta ito sa araw.
Sa araw na hindi masakit ang sinag nito.
Sa araw na alam kong lulubog na ilang segundo na lang.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Sa bawat bilang, tila bumabagal ang mundo na parang ayaw nitong umusad, parang may hinihintay pang mangyari.
Isang ngiti ang sumilay sa aking mga labi.
“Caloy…” pagtawag ko sa kanyang ngalan habang diretsong nakatingin sa kanya.
Sa unang pagkakataon, hindi ko hiniling na matapos ang lahat at hinayaan ko lamang siya na yakapin ako.
Sa araw.
Sa araw na hindi na lumubog…
Sa araw na pilit na sinamahan ako…
… at sa araw na piniling manatili.
Nakatanaw lang ako sa kanya.
Doon ay dahan-dahan kong ipinikit ang aking mga mata…
…nang doon ako nagmulat, siya muli ay aking nakita…
Dito sa labas ng kwarto, sa salamin ng pintuan, doon ko siya ay natatanaw na nakahiga sa higaan.
Siya ay natutulog habang napapalibutan ng mga aparatong hindi ko lubos maunawaan, mga tubong nakakabit sa kanyang bibig at katawan, mga makinang kumikislap, patunay na siya’y nasa pagitan ng buhay at pagkawala.
Sa tabi ng kanyang higaan, ang mga mahal niya sa buhay ay nakatingin lamang sa kanya.
Pinagmamasdan, nag-aantay, at patuloy na nagdadasal.
Gusto ko mang pumasok sa loob ng kwarto ay pinili ko na lang na manatili dito sa labas dahil sa dahilang ’di ko alam kung may mukha pa akong ihaharap sa kanya.
Pagtulo ng luha sa aking mga mata ang aking tanging nagawa, at sa aking isipan ay paulit-ulit kong sinisisi ang aking sarili.
Dahil kahit sa panahong ito…
…hindi ko siya nagawang iligtas.
Kabanata 50
E L I A S
“Gunshot wound to the spine, likely at the cervical level. He developed respiratory compromise and hypoxic brain injury. He’s currently in a comatose state.”
Ito ang balitang sumalubong sa mama ni Cali na umuwi ng Pilipinas noong araw na inilipat ng Maynila ang katawan niya.
Sa ospital kung saan matatagpuan ang ilang sa mga pinakamagaling na doctor, ang TOP Medical Center.
Nakakalungkot man ang balita, pasasalamat na lang din ng mga taong mahal niya sa buhay na hindi siya nawala.
At hangga’t may tibok ang kanyang puso, may pag-asa.
Kahit siya’y tahimik.
Kahit tila natutulog lamang.
Umaasa sila.
Umaasa na darating ang araw na muling didilat ang kanyang mga mata.
Punong-puno ng pag-aalala at pagmamahal ang loob ng puting kwarto kung saan nakalagak ang nag-iisang hospital bed ni Cali.
Tahimik man ang paligid, ramdam ang bigat ng bawat segundo na lumilipas.
Ang kanyang Mama Daisy ay hindi nagdalawang-isip na lumipad pauwi ng Pilipinas nang mabalitaan ang nangyari sa kanyang anak.
Isang patunay kung gaano niya ito kamahal. At mula nang makarating siya…
Hindi na siya umalis sa tabi nito.
Bawat araw.
Bawat oras.
Nakahawak sa kamay ng kanyang anak.
Umaasa.
Naghihintay.
Batid din ang pag-aalala ng kanyang Kuya Noah na pabalik-balik din sa ospital, diretso kay Cali pagkatapos ng kanyang trabaho sa kompanya.
Samantalang sina Ghon at Amir, may bahagi sa kanilang loob na sinisisi ang mga sarili sa sinapit ng kaibigan nila.
“Cali…” muling pag-iyak ni Amir at aktong niyayapos pa ang mga paa ni Cali.
“Sana ako na lang…sana ako na lang ang nandito…” mga linyang paulit-ulit na sinasabi ni Amir.
Isang malakas na pagbatok ang kanyang natanggap kay Ghon.
“If Cali is awake, he would definitely punch you in the face. You’re overreacting!” hindi napigilang turan ni Ghon, halatang naiinis ngunit may halong pag-aalala.
Napahikbi si Amir, ngunit tumahimik rin. Hindi dahil sa batok sa kanya ni Ghon, kung hindi sa mga salitang sinabi niya dahil totoo ito.
Walang mintis ang kanilang pagbisita kay Cali, pagkatapos nilang pumasok sa university ay sa ospital agad ang diretso.
“Cali,” untag ni Ghon na tila seryoso ang kanyang sasabihin.
“You should wake up na…our graduation is coming,” aniya, pilit na pinapakinggan ang sarili niyang boses kahit walang katiyakang naririnig siya nito.
“Don’t worry about our paper. Amir and I are really working on it hard together…” dagdag pa niya, tila ba pinupunan ang katahimikan sa kwarto.
Hindi maikakaila na bukod kay Amir, mas naging malapit sa isa’t-isa si Ghon at Cali sa halos isang buwan nilang pananatili sa Ifugao.
Ang dalawang magkaklase lamang na hindi halos nagpapansinan noon, sa tulong ng kanilang proyekto ay doon nabuo hindi lang pagkakaintindihan ngunit malalim na pagkakaibigan.
Lumipas ang mga araw.
Lumipas ang mga linggo.
Ngunit walang pagbabago.
Hindi pa rin nagigising si Cali.
“His vitals are stable, and the operation went well. Right now, we’re waiting for him to regain consciousness.”
Ang hatid na balita ni Doc Mike sa ina ni Cali.
“Kailan po, Doc? Kailan siya magigising?” ang wika ni Mama Daisy at doon siya bumaling sa kanyang anak na hanggang ngayon ay natutulog pa rin.
“Hindi pa po namin masasabi,” maingat na tugon ng doktor.
“Kailangan munang mag-recover ang katawan at utak niya. The next few days will be critical… that’s why we’ll be monitoring him closely.”
Sa huling salitang binitawan ng doktor, isang pag-aalala at takot ang naramdaman ng ina ni Cali.
“Mauna na po ako sa inyo…” ang paalam ng Doktor at doon siya lumabas ng pintuan, nakasunod ang tingin ng ina ni Cali.
At sa pagbukas ng pinto…
Ay doon natanaw niyang muli ang nakatayo na lalaki sa labas ng pintuan.
Tahimik.
Nakatayo lamang.
Ilang linggo na niyang nakikita ito doon, umaga, tanghali, at gabi.
Hindi siya umaalis.
Hindi na niya tinanong pa kila Ghon at Amir kung sino ang lalaking iyon dahil alam niya sa loob nito na parte siya ng buhay ng kanyang anak.
“Cali is going to be fine, Tita Daisy.” Banggit ng naiwang doctor, “I know he’s a fighter,” tila ba kilala niya ng buo si Cali.
“Doc Mike is a great doctor. I know he will do his best for Cali to recover faster…” pagpapagaan niya ng loob sa ina ni Cali.
“Maraming salamat po, Doc Baste,” kahit paaano ay naibsan ng kaunti ang pag aalala ni Mama Daisy.
“You’re welcome po. Mauna na po ako sa inyo.” Pagpapaalam nito at doon naiwan sa loob si Cali at ang kanyang ina.
Lumipas ang mga araw.
Hindi pa rin gumigising si Cali.
Tulad ng sinabi ni Doc Mike, naging critical nga ang lagay ni Cali dahil hindi lang basta siya natamaan ng bala sa likod, ang utak niya ang nadamay at naging puntirya dahilan para mag-ugat ang mas mabigat na laban.
Ilang linggo siyang nanatili sa ICU. Bente kwatro oras na binabantayan ng mga doktor at espesyalista.
Mas dumami ang mga aparatong nakakabit sa kanyang katawan, mga makinang nagpapatunay na siya’y patuloy na lumalaban.
Sa labas ng ICU. Luha ng mga mahal niya ang nangingibabaw.
Ang kanyang pamilya at mga kaibigan, nakasilip lamang sa malaking salamin, isang pader na naghihiwalay sa kanila at sa taong nais nilang yakapin.
Araw-araw, may bumibisita.
Mga kaklase.
Mga propesor.
Mga kamag-anak.
Mga taong hindi niya inaasahang dumating.
Ngunit sa lahat ng mga bumista.
Sa lahat ng mga nakisilip sa lagay ni Cali.
May isang lalaking hindi umalis.
Umaga, tanghali, gabi.
Wala siyang ibang ginawa kung hindi bantayan si Cali.
Diretso lang ang kanyang tingin dito, hindi niya naging problema ang bawat tingin sa kanya ng mga bisita.
HIndi siya umalis. Hindi alintana ang pagod, ang gutom, at ang oras.
At napansansin iyon ng lahat.
Lalo na ng mama ni Cali.
At sa pagkakataong ito, alam ng nanay ni Cali na hindi lang siya basta kaibigan.
Alam niyang higit pa doon.
Mas higit pa.
Lumipas ang araw.
Sa wakas ay ibinalik na sa dating kwarto si Cali, mas naging stable na ang kanyang lagay, ang tanging hinihintay na lang nila ay ang pag-gising nito.
Ngunit sa tagal ng kanilang paghihintay, marami na ring nangyari na hindi nasaksihan ni Cali.
Maraming mga balita ang hindi niya narinig, maraming kuwento kanyang nalagpasan.
Ang balita sa Chaya.
Sa tulong nila Ghon at Amir, tuluyang naisapubliko ang isyu patungkol sa lupang pinagmulan ng kaguluhan.
Hindi na ito nanatiling lihim, kumalat na ito, pinag-usapan, at siniyasat.
Maraming mga nagbigay ng komento, maraming nakiusisa, at maraming tumulong para maayos ang gulo.
Napanagutan ang may sala.
Tuluyang nakulong si Mayor Alcantara, hindi lang dahil sa pamemeke niya ng mga dokumentong lumabag sa batas pang lupa, isa siya sa likod ng mga kaguluhan na nangyari sa Chaya at ilang pagkakasangkot sa korapsyon.
Nanagot rin ang ilang mga kawatan na parte ng plataporma.
Isa-isa silang nahuli.
Isa-isa silang nanagot.
Nasibak din sa pwesto ang ilang mga opisyales na naging bulagbulagan sa issue na ito, mga opisyales na imbis tulungan ang sariling bayan ay inuna pa ang laman ng kanilang mga tiyan.
Sa wakas.
Nabigyan ng hustisya hindi lang ang Chaya, maging ang ilang parte ng lupain sa Ifugao.
At mula roon ay unti-unti ulit silang bumangon. Tulad ng nakasanayan, sila ay tulong-tulong muli sa pagsasaayos ng kanilang komunidad.
Muling bumalik ang sigla.
Muling nabuhay ang lupang minsang nasira.
At sa paglipas ng panahon ay muling tumubo ang mga palay. Palay na sumisimbolo sa kanilang kultura, sa kanilang pagsisikap, at sa kanilang hindi pagsuko.
Sa panahong iyon, saglit na umuwi si Bossing.
Kailangan siya ng lugar na iyon.
Kailangan siya ng mga tao roon.
Ngunit higit pa doon…alam niyang may mga responsibilidad siyang hindi maaaring talikuran.
Trabaho.
Pamilya.
At tungkulin.
Nagkaroon sila ng kasiyahan. May mga tawanan at kuwentuhan.
Ngunit sa likod ng lahat ng iyon, ay may lungkot at bagabag. At kitang-kita iyon sa mga mata ni Bossing.
Alam niya na may kulang.
Alam niya na may nawala.
At iyon ay ang liwanag sa madilim niyang buhay.
Naguguluhan siya, na hindi niya madalas maramdaman ang ganitong pakiramdam.
Para bang kailangan niyang mamili, mamili sa dalawang daan na kailangan ay isa lang ang lalakaran.
“Kaya ko, Bossing…” ang wika sa kanya ni Lolo Edgar.
Tahimik ang gabi, nakaupo silang tatlo kasama si Tita Lola sa ilalim ng puno ng mangga, nakaharap sa apoy na nagsisilbing yakap ang init nito sa malamig na gabi.
“Adi-k man amm-o amin di dalan nu ngan di panangbantay na, ngem ammok ya kabaelan-k an punan di puwesto ni Apo…” (Hindi ko man magagawa ang paraan kung paano niya bantayan, alam kong kakayanin kong punan ang pwesto ni Apo…)
Diretso lang ang tingin ni Lolo Edgar kay Bossing.
Tahimik siyang pinakikinggan.
“Napigsa-ak pay. Mabalin pay an adalan-k…” (Malakas pa ako. Kaya ko pang pag-aralan…)
Ngumiti si Lolo Edgar, pilit na ipinaparamdam kay Bossing na kaya niya.
Doon pa niya tinapik-tapik ang likod nito.
“Ammok ya adi-ak taynan ni Kabunian. Kabaelan-k an mangipangpangulu hi tatagu taku…” (Alam kong hindi ako pababayaan ni Kabunian. Kaya kong pamunuan ang ating nasasakupan…)
Parang iyon na ang sagot sa mga tanong na gumugulo sa isip ni Bossing.
At bago pa siya makapagsalita…
“Mas kailangan ka niya, Bossing…” biglang sabat ni Tita Lola, napabaling sa kanya ang lalaking ito.
“Mas kailangan ka ni Cali…”
Ang mga salitang iyon ang naging dahilan para mawala ang mga agam-agam sa pag-iisip ni Bossing.
Sa panahong ito, alam na niya kung anong daan ang kanyang lalakarin.
Lumipas ang mga araw ay muli siyang bumalik, bumalik sa dating gawi, hindi niya alam kung bakit hanggang pagtanaw at pagbantay lamang sa labas ng pinto ang kanyang magawa.
Pilit siyang pinapapasok ng ilang mga mahal ni Cali sa buhay, si Ghon, Amir. Hindi niya magawa dahil sa dahilang hindi niya malaman.
Kasalukuyang nakikituloy muna si Bossing sa tahanan nila Amir.
Sa panahong iyon, hindi siya naging pabigat kahit na hindi naman siya itinuturing na pabigat ng kanyang Tiyahin.
Si Bossing ay humanap ng mga pansamantalang trabaho sa malawak na lungsod ng Maynila.
Lahat pinasok niya, at sa tuwing tapos na siya sa trabaho ay kasama sa kanyang oras ang pagbabantay sa natutulog na si Cali.
Lumipas ang buwan, araw ng graduation ni Cali.
Hindi pa siya nagigising.
Sa tulong ng ilang mga propesor, kaibigan at ang university.
Si Cali ay grumaduate sa loob ng hospital. Walang mapaglagyan ang ngiti at saya ng mga taong nagmamahal sa kanya, hindi lang siya basta grumaduate.
Siya ay nagtapos ng may kulay at pagkilala.
“Cali! We did it! We are awarded as Best in Thesis!” galak na galak na wika ni Ghon.
Sa pagkakataong ito, hindi nasayang ang panahong ginugugol nilang tatlo sa Chaya.
“Congratulations, anak.” “Congrats, Cali!” “Cali, congratulations!”
Sa gitna ng patuloy na pagbati at saya nila.
Isang lalaki sa labas ng pintuan ang nakatanaw at batid din ang kanyang kasiyahan.
Isang tanaw na sapat na para sa kanya para muling umalis dahil sumaglit lang siyang bumisita sa oras ng pagpapahinga niya sa trabaho.
Lumipas pa ang ilang buwan.
Hindi pa rin siya gumigising. Marami nang nangyari ang hindi niya nasaksihan.
Ang birthday ng kanyang ina, ng kanyang kuya, ni Amir, ni Ghon, at ng sarili niyang kaarawan na sa mismong kwarto ng ospital na lang ipinagdiwang.
“Anak, gumising ka na…” Ang mga hiling na ’yon ng kanyang ina ay hindi na mabilang na ilang beses na niyang sinabi sa loob ng kwarto.
Dumating ang araw ng bisperas ng pasko.
Ilang minuto bago mag-alas dose.
Walang tao sa loob ng kwarto, saglit na lumabas ang mga bantay nito.
At sa pagkakataong iyon, ito ang unang beses na nagawa niyang pumasok sa loob matapos ang halos isang taon niyang pagtanaw sa labas ng pintuan.
Dahan-dahan ang ginawa niya sa pagbukas ng pinto.
Nang tuluyan siyang makapasok ay tila ba kasabay nito ang pagpasok ng lahat ng kinikimkim niyang emosyon.
Maingat siyang humakbang papunta sa kanyang kinahihigaan.
Sa kanang bahagi ng higaan ay may upuan, doon siya tumumbok at umupo paharap sa wala pa ring malay na si Cali.
Bakas na bakas sa mukha ng Bossing ang pagod.
HIndi lamang pagod ng katawan, kung hindi na rin ang pagod ng kanyang puso at isipan.
Kasabay pa ang lungkot, at ang pag-asang muling magigising si Cali.
Dahil sa pagkakataong ito, wala siyang magawa.
Hindi sakop ng kanyang pinag aralan ang tungkol sa buhay ng isang tao. Walang ritwal, walang dasal, tanging panalangin at pag-asa lamang.
Ilang minuto niyang tinitigan ang mukha ni Cali.
Mas malinaw na ngayon.
Wala ng nakakabit sa kanyang mga aparatos sa kanyang mukha, tanging dextrose na lamang.
Doon ay napangiti si Bossing.
Isang mapait na ngiti.
Ramdam ang bigat at sakit sa kanyang damdamin, na kahit sa maikling panahon sila’y nagkasama at nagkaintindihan ay pakiramdam nila’y matagal na silang magkakilala.
Maingat na inabot ni Bossing ang kanang kamay ni Cali, ito ay kanyang hinawakan sapat para muling maramdaman.
At sa oras na ito, wala mga salitang lumalabas sa kanyang bibig.
Sapat na ang luhang bumabagsak ngayon sa kanyang mga mata para iparamdam kay Cali na siya’y nagsisi, nasasaktan, nangungulila, at humihingi ng kapatawaran.
Hanggang ngayon ay sinisisi ni Bossing ang kanyang sarili.
Hindi na mabubura pa sa kanyang isipan na ang dahilan kung bakit nandito ngayon si Cali at nakahiga ay dahil lamang sa kanya.
“Patawarin mo ako…” bigkas ng kanyang bibig, at doon hinalikan ang kamay ni Cali.
Patuloy ang kanyang pagtangis.
Ang tanging maririnig sa tahimik na kwarto ay ang paghikbi ni Bossing at ang patuloy na pagtunog ng monitor sa gilid ng higaan.
“Hindi ko na alam…” muli niyang wika.
“Hindi ko kakayaning mawala ka…”
Hindi nalalayo.
Hindi nalalayong parehas lamang ang nararamdaman ni Bossing sa naramdaman ni Emilio noon.
Pareho silang nawalan, pareho silang kumapit, at pareho silang natakot.
Si Caloy at Cali ay pawang mga liwanag sa kanilang madilim na buhay.
At sa panahong sila’y nawala, tila ba muli silang itinulak sa kadiliman, sa mundong walang pag-asa, sa mundong walang kasiyahan, at sa mundong walang tinatawag na pagmamahal .
“Natatakot ako…” ang mga salitang ito ay para bang walang puwang sa isang tulad niyang mumbaki.
“Patawarin mo ako…”
Lumipas ang ilang minuto.
Tumunog ang orasan.
Alas-dose na.
Pasko na.
Dahan-dahang tumayo si Bossing mula sa kanyang kinauupuan.
Nagdesisyon siyang lumabas na ng kwarto.
Hindi na siya lumingon.
Hindi na niya tinangka pang manatili.
Tahimik siyang humakbang papalabas ng kwarto…
…at sa pagbukas niya ng pinto ay doon papasok ang ina at kuya ni Cali.
Nagulat man sila ay hindi na agad nakapagsalita, dahil sa sandaling iyon ay may nangyari.
Isang bagay na matagal nilang hinintay.
Isang himala.
Dahan-dahang gumalaw ang mga mata ni Cali.
Unti-unti itong nagbukas.
Mahina pa rin ngunit totoo na.
Nagkaroon na siya ng malay.
Nagising na siya.
“Anak!” “Cali!”
Walang mapaglagyan ang kasiyahan ng mga mahal niya sa buhay, mabilis silang tumakbo papunta sa hinihigaan ni Cali.
At sa pagkakataong ito…
…si Bossing.
Nakatayo pa rin sa pintuan.
Sandaling tumigil ngunit hindi lumilingon.
Sapat na ang kanyang nasaksihan.
Sapat na ang katotohanang gising na ang kanyang mahal. Ang kanyang sinisinta. Ang kanyang iniibig. Ang kanyang liwanag. At ang kanyang pag-asa.
Dahan-dahan siyang humakbang palayo.
Tahimik.
Diretso.
Walang pag aalinlangan.
Dahil sa oras na ito ay natupad na ang dahilan kung bakit siya nanatili, sinigurado niyang nagwakas…
…sinigurado niyang nagwakas na talaga ang pag-ikot ng istorya ng mga tao sa nakaraan nila.
Isang magandang regalo ang natanggap niya bilang ito rin ang araw ng kapanganakan niya.
Dahil dito, ito rin ang dahilan kung bakit kailangan na niyang bumalik.
Sa lupang kanyang kinalakihan.
Sa lupang kanyang nasasakupan.
At sa kabilang daan…
…sa daan ng buhay na kailangan niyang harapin, ipagpatuloy.
Mag-isa.
Bago magwakas ang istoryang ito. Gusto kong magpasalamat sa mga nanatili at tahimik na sumusuporta sa istorya nila Cali at Bossing.
Isang pasasalamat kay GlaceryAzarcon sa walang sawang pagsuporta at pagbabasa ng istorya nilang dalawa.
Gusto ko ring magpasalamat sa ’yo. Bilang isa sa aking mambabasa. Tahimik man o hindi, salamat sa pagsuporta.
Gusto kong pasalamatan ang mga sumusunod, mga naging bahagi sa pabuo ng mundo nila Cali at Bossing.
Mamerto Tindongan (Lagitan)
- Ifugao Center for Living Culture
Erwan Heussaff ‘s FEATR VIVA Films’ Mumbaki - Starring Raymart Santiago
GMA NEWS DIGI DOKYU
And of course, to one of the best Thai BL series of all time, where this idea of this story is inspired to…
Khemjira the Series.
Wakas
F A T E D
Three years later
November 5, 2029
Osaka, Japan
“Arigatou,” mabilis kong wika sa driver ng taxi at doon isinara ang pinto.
Hindi na ako nag-atubili pang tumakbo pagkakababa ko pa lang ng taxi, dahil alam kong naghihintay na sila.
Hindi ko na ininda ang matinding sikat ng araw na hindi naman masakit sa balat, tuloy-tuloy lang ang aking pagtakbo habang mahigpit kong hawak ang sling bag na tanging wallet at ilang abubot lang ang laman.
Nakasuot ako ng puting longsleeve, may kasamang necktie, itim na pantalon, at makintab na itim na sapatos.
Kaliwa’t kanan ang ginawa kong pag-iwas sa mga taong aking nadadaanan.
Hinahabol ko ang oras.
Ayokong paghintayin sila ng matagal, dahil nakakahiya naman.
Habang tumatakbo, isinuot ko ang aking ID na may asul na lanyard.
Ilang hakbang pa at tinumbok na ng aking mga paa ang entrada ng malaking gusaling iyon.
Welcome to National Museum of Ethnology isang pagbati sa malaking screen ang sasalubong sa ’yo pagpasok mo dito sa museum.
Hinahabol ko ang aking paghinga habang hinahanap ng aking mga mata ang grupong dapat kong makita.
At nang sa wakas ay matanaw ko sila, hindi na ako nag-atubiling lumapit.
“Konnichiwa,” pagbati ko sa grupo.
Sabay-sabay silang napaharap sa akin.
Iba’t iba ang kanilang edad.
May matanda, may bata, ngunit mas nangingibabaw ang bilang ng mga kabataan. Lagpas sampu sila. Iba’t iba rin ang kanilang lahi, tila ba iba’t ibang mundo ang nagsama-sama sa iisang lugar.
“I’m Cali, and I will be your tour guide here at the museum.” Nakangiti kong wika sa kanilang lahat.
“Once again, welcome to the National Museum of Ethnology.”
Tatlong taon na.
Tatlong taon na rin mula noong dito na kami tumira sa Japan.
Kasama ni Kuya Noah si Mama sa bahay namin sa Hokkaido at doon nila tulong na ipinagpatuloy ang winery business na iniwan ni Papa.
Ako?
Isa na akong guro sa Tokyo, isang English teacher.
Pansamantalang nangungupahan sa isang maliit na apartment habang buong puso kong nilulubos ang passion ko sa pagtuturo.
Madalas naman akong umuwi sa Hokkaido tuwing weekend, dala ang pagod at kaunting pananabik sa tahanan.
Bukod sa pagiging guro, isa pa sa pinagkakaabalahan ko ang pagiging tour guide sa iba’t ibang lugar dito sa Japan.
Hindi ko akalain na dito sa Japan ko itutuloy ang aking propesyon, taliwas sa mga pinag-aralan naming history at pag-aaral sa Pilipinas na dapat ay doon ako nagtatrabaho.
Dahilan para maging doble ang aking pag-aaral, hindi lang sa history ng Pilipinas kung hindi na rin sa history ng Japan.
Hindi ko itinatanggi dahil ginusto ko ito, at dito ako nakakaramdam ng kasiyahan.
At ngayon…
Nakatanggap ako ng request mula sa Philippine Embassy na magkakaroon nga ng worldwide culture presentation ang museum na ito, at kabilang ang Pilipinas sa ilang magbabahagi ng kanilang kultura.
Hindi ko na tinanggihan pa kaya nandito na ako sa harapan nila.
“This is the local mode of transportation in the Philippines.” Saglit kaming tumigil sa paglalakad.
“This is called jeepney, or dyip.”
“The way of paying when you’re riding the jeep somewhat reflects Filipino hospitality, because you’re going to give your payment to your co-passenger, and they will pass it, and pass it, until your fare is in the hand of the driver.”
Tahimik silang nakinig, sabay-sabay silang tumango.
“It’s interesting…” ang wika ng matandang babae na tiyak ko ay isang amerikana.
“I saw something like this during the Philippine Independence day parade in New York,” sabat naman ng isang lalaking amerikano.
Tumango ako.
“Actually way back two thousand sixteen, the members of Black Eyed Peas Mister Allan Pineda Lindo known as apl de ap, also drove a jeep during the parade in New York,” nakangiti kong salaysay pa sa kanila.
Hindi ko maiwasang mapangiti sa sarili ko.
Hindi ko maisip na ang dating ako, noong nag-aaral pa lang ay hindi pala salita at hindi sanay sa maraming tao.
Tanging si Amir lang dati ang kausap ko sa university.
Siguro.
Siguro nasanay na lang din ako.
Nasanay sa trabaho.
“This is called Bul-ul.” Muli kaming tumigil sa isang parte ng museum.
Tulad nila ay napatingin din ako doon ng diretso.
Pamilyar.
“This is a sacred figure in the Philippines, to be specific in the Ifugao in Cordillera Region,” ang wika ko sa kanila.
“Is this a statue that they praise?” wika ng isang binata.
Tumango ako.
“This bul-ul, the Ifugao people considered it as their rice god, acting as a guardian deity for rice granaries to protect harvests and ensure abundance,” hindi ko maisip na alam ko ang bagay na ito.
“How does this thing work?” usisa pa niya.
Ngumiti ako, may inalala.
“So there’s this mumbaki, who is a shaman or a priest of their god called Kabunian. They are the ones who perform rituals. During harvest, the mumbaki usually served the bul-ul a pig or chicken blood to empower it,” paliwanag ko.
“Sometimes they carry it and do some ritual dance while the farmers are harvesting the rice.”
Bakit alam ko?
Oo, napag-aralan ko.
Pero parang may higit pa roon.
Sabay-sabay silang tumango, malinaw ang pagpapaliwanag ko sa kanila.
Nagtagal pa ng ilang oras ang pananatili nila sa museum, tanong dito, sagot doon, tanong sa kaliwa at kanan at patuloy naman ang pagsagot ko.
May kung anong kasiyahan akong nararamdaman sa tuwing alam kong meroon silang natutunan, hindi lang sa akin, kung hindi sa ideyang nadadala ko sila sa Pilipinas.
Alas-diyes ng gabi dito sa Tokyo, Japan.
“Anong oras ka aalis bukas?” tanong ni Kuya Noah sa kabilang linya.
Kasalukuyan akong nakaupo sa isang bench sa loob ng Shiba Park, isang malawak at tahimik na parke na kilalang pinupuntahan ng mga turista.
Mula rito, kitang-kita ang Tokyo Tower, ang iconic na tore na tila bantay ng lungsod kahit sa kalaliman ng gabi.
Sa oras na ito ay tanging ako na lang ang nandito.
Tahimik ang paligid, presko ang malamig na hangin.
Sapat ang ilaw ng parke upang hindi tuluyang lamunin ng dilim ang bawat sulok, ngunit hindi nito natatabunan ang liwanag ng Tokyo Tower na kulay pula na may halong kahel, nagliliyab sa gitna ng gabi.
Sa aking kinauupuan naman ay hawak ko ang cellphone at ito’y naka-video call sa kanila.
“Mga nine siguro ng gabi. Magte-train na lang ako,” tugon ko sa kanya.
Tumango na lang siya bago niya ibinigay ang cellphone kay Mama.
Kasalukuyan silang nasa sala at tila nagpapahinga.
“Anak…” nakangiting bati ni Mama sa kabilang linya.
“Yes, Ma?” nakangiti kong tugon.
“Happy birthday…”
Napangiti ako.
“Thank you, Ma.”
Isang normal na araw para sa akin.
Ngayong araw ang aking kaarawan, ang aking birthday.
“Makakadating ba sila Amir bukas?” ang tanong niya.
Tumango ako. “Bukas daw po ng madaling araw ang flight nilang dalawa ni Ghon,” tugon ko sa kanya.
“Buti naman. Nasend mo na rin naman yung address ng restaurant diba? Baka doon na sila dumiretso.” Ang wika ni Mama.
Matapos noon ay tila doon niya tinitigian ang lugar kung nasaan ako ngayon.
“Nasa labas ka ba, anak? Anong oras na…” ang wika niya.
Ngumiti ako, “Hindi ako ulit makatulog, ayoko namang uminom ng sleeping pills.”
Kanina lamang ay nakahiga na ako sa kama, ngunit ilang oras na pero hindi pa rin ako tinatamaan ng antok, kahit alam kong pagod na ang aking katawan ay hindi pa rin ako makatulog.
Hindi ko magawang ipikit ng matagal ang aking mga mata.
“O siya sige, wag na masyadong magtagal diyan, ingat ka pag uwi,” paalala niya sa akin.
Malapit lang naman dito ang apartment na tinutuluyan ko.
“Opo,” nakangiti kong tugon sa kanya.
Doon natapos ang tawag at ipinatong ko na lang muli ang aking cellphone sa kaliwang bahagi ng inuupuan ko.
Umayos ako ng upo.
Tumingala at doon pinagmasdan ang malaking Tokyo Tower na ito.
Sa oras na ito, iniisip ko kung paano nila ito itinayo, kung paanong ang mga bakal at disenyo ay nagtagpo para makabuo ng isang estrukturang kayang tumayo sa gitna ng lindol, bagyo, at paglipas ng panahon.
Katulad ng Eiffel Tower, isang simbolo, hindi lamang ng lungsod, kundi ng alaala.
Napunta ang aking tingin sa pinakatuktok ng tower, may ilaw na kulay pula at segu-segundo ang ginagawang pagpatay buhay na ito.
Sa hindi ko mawariang kilos ay para bang sumasabay ang pagtibok ng puso ko sa paraan kung paano namamatay buhay ang ilaw ng tower.
Niyakap ako ng malamig na hangin, parang hudyat na magbabago na ang panahon, ang season.
Niyakap ako ng katahimikan ng lugar.
At sa hindi ko inaasahan ay niyakap din ako ng isang kalungkutan na hindi ko maipaliwanag.
Tatlong taon.
Tatlong taon na ang lumipas.
Sa tatlong taong nakalipas, alam kong hanggang ngayon ay naghihilom pa rin ang aking utak.
Naghihilom ang aking utak sa isang aksidenteng hindi ko na matandaan.
Ang kuwento sa akin nila ay halos isang taon akong natulog sa ospital, comatose dahil sa aksidente.
Isang taong nalampasan ko ang mga ganap, ang kanilang birthday, ang aking graduation, at iba pang mahahalagang ganap sa buhay.
Sa isang taon kong pagkakatulog, at mula noong gumising ako ay nasabi ng doktor na naapektuhan ang utak ko.
May mga bagay akong hindi matandaan.
May mga pangyayaring nabura sa utak ko.
At higit sa lahat ay may mga taong aking nakalimutan.
Ngunit sa tatlong taon na yon ay tinulungan ako nila Mama na muling bumangon at muling makaalala.
Hindi sila nag-sawang magkuwento sa mga nangyari mula noong bata pa ako hanggang tumanda.
Ikinuwento ang mga nakakatawa, nakakalungkot, at mga importanteng bagay sa buhay ko.
Ganoon din ang ginawa nila Amir at Ghon.
Ikinuwento nila sa akin ang lahat, kung paano ko sila nakilala at paano kami nagkasama-sama.
Naikuwento din nila ang ginawa naming pag-aaral sa lupain ng Ifugao, sa Chaya.
Nasabi nilang nakipag halubilo kami sa mga taga-Ifugao, tumira ng halos isang buwan, natuto, nagkaroon ng kaalaman, kaibigan, at narasanan ang mga bagay na hindi namin mararanasan sa Maynila.
Sa paraan ng kanilang pagkukuwento ay para talagang muli na lang pumasok sa aking isipan ang lahat ng aking karanasan.
Ngunit…
Ngunit sa halos tatlong taon.
Hindi ko alam.
Pero pakiramdam ko ay parang may kulang.
Parang may puwang.
Patuloy ang ginawa kong pagtitig sa ilaw ng Tokyo Tower, at patuloy ang aking pagdaramdam sa emosyong namumutawi sa oras na ito.
Sa tatlong taon na ’yon, sinubukan ko namang alalahanin ang lahat.
Ngunit kahit tulungan ko ang aking sarili na alamin, alam ko pa rin na may kulang.
May pagkakataong nagkaroon ako ng mga hindi pangkaraniwang panaginip.
Panaginip na para bang ito ang sagot sa kulang sa aking pagkatao.
Isang dragon.
Panaginip ko’y may humahabol sa aking isang dragon.
Hindi lang isang dragon, dahil alam ko kung ano ang tawag sa dragon na iyon.
Isang Bakunawa.
Bakunawang kumakain ng mga buwan, pitong buwan.
Sa panaginip na ’yon, isa raw akong mangingisda na nahuling kinakain ng Bakunawa ang panghuling buwan, at sa pagkakataong iyon ito ay aking pinigilan.
At magmula noon ay patuloy na niya akong hinahabol, hindi ko alam ang dahilan…
…ito ba’y dahil nahuli ko siyang kinakain ang buwan?
O dahil iniligtas ko siya sa pagkain ng huling buwan na tiyak kapag ito ay kanyang kinain ay tuluyan siyang mawawala.
Tuluyang mawawala.
Tuluuyang mabubura rito sa mundo.
Napailing na lang ako.
Siguro’y pagod lang talaga ang nararamdaman ko.
Baka guni-guni lang ang lahat.
Baka pawang iniisip ko lang ang kulang, gayong masaya naman ako kasama sila Mama at Kuya.
Dahil kung may kulang, alam kong matagal ko na sana iyong nalaman.
Dahan-dahan kong ibinaling ang aking tingin sa aking kanang pulsuhan.
Hinawakan ko ang isang bagay na nakasuot dito, bagay na nagpapaalala sa aking namayapang ama.
Isang pulseras na gawa sa rattan. Isang heirloom, na alam kong ibinigay din ito ni Lolo sa kanya.
Doon ay iniisip ko na ano kaya ang buhay namin ngayon kung nabubuhay pa siya.
Napangiti na lang ako ng mapait at doon nagdesisyon na tumayo sa aking pagkakaupo.
Ibinulsa ko ang aking cellphone at doon sinimulang humakbang.
Isinuksok ko na lang sa bulsa ng suot kong tsokolateng pahabang coat ang aking mga kamao dahil sa mas lumalamig na ang simoy ng hangin.
Marahan akong naglakad sa kahabaan ng Shiba Park, kung saan maliwanag ang daan dahil sa magkakasunod na poste ng ilaw, at sa bawat hakbang ko ay tila sinasadya kong bagalan ang oras, wari’y ninanamnam ang katahimikan, ang lamig, at ang sandaling ito na para bang may hinihintay na hindi ko maipaliwanag.
Sa gitna ng aking paglalakad, isang ideya ang pumasok sa isipan ko.
Alam kong may mga sumusubok at pumapasok, ngunit hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang papasukin sila.
Ang pag-ibig.
Isang pakiramdam na parang aking nasaranan, pero hindi ko maramdaman, o hindi ko maalala.
Napatanong ako sa sarili ko kung handa na ba ako?
Handa na ba akong magpapasok ng tao sa buhay ko?
Handa na ba akong umibig muli?
Napailing ako at doon iwinaksi ang aking iniisip.
Napangiti na lang ako.
Sa aking paglalakad, bigla akong napatigil.
May anong bumabagsak.
Dahan-dahan akong tumingala dahil doon ito nagmumula.
Napabuka na lang ang aking bibig dahil doon ko nakitang bumabagsak sa langit ang maliliit at butil ng niyebe.
At sa pagkakataong ito ay alam kong ngayong araw ang simula ng pababago ng panahon dito sa Japan, nagsimula na ang winter dahil ngayong araw ang unang beses ng pagbagsak ng snow.
Napangiti ako.
At dahan-dahang bumaling ng tingin sa unahan.
Ngunit sa sandaling iyon…
Hindi ko maihakbang ang aking mga paa.
Hindi ko maipaliwanag kung bakit tila nabingi ang aking pandinig…
…kung bakit ang buong paligid ay nilamon ng katahimikan, at kung bakit ang mundo ko ay tila huminto.
Hindi kalayuan sa aking kinatatayuan…
…may isang lalaking nakatayo.
Diretso ang tingin sa akin.
Nakasuot ng mahabang itim na coat, tulad ng sa akin.
Sapat ang liwanag mula sa poste ng ilaw upang malinaw kong makita ang kanyang mukha.
Malamlam ang kanyang mga mata, diretsong nakatingin sa akin na para bang kilala niya ako.
Matangos ang ilong, makapal ang kilay, mapula ang mga labi, matapang ang ayos ng kanyang mukha.
Ngunit higit sa lahat ay doon agaw pansin ang munting ngiti sa kanyang labi.
Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang humakbang, at sa oras na ito ay hindi ko rin alam ang rason kung bakit bumibilis ang tibok ng puso ko.
Napahinga ako ng malalim.
At sa sandaling iyon, nagsimula siyang maglakad papalapit sa akin.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Sa bawat hakbang niya, mas lumalawak ang kanyang ngiti.
Mas lumalalim ang kahulugan ng kanyang mga mata, mga matang tila ba may kinikimkim na kwento, mga matang tila ba matagal na akong kilala.
Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman, mas bumibilis ang tibok ng puso ko na para bang nakikipag karera.
Papalapit siya.
Papalapit ng papalapit.
At bawat pagkurap ng aking mga mata, doon ang lalaki’y nag-iibang anyo.
May nagbabago.
May bumabalik, at may nagbubukas.
Mga alaala.
Mga larawan, at mga damdamin.
Unti-unti, nagsisimulang mabuo ang isang pangalan sa aking isipan.
Isang pagkakakilanlan, isang katotohanan.
At sa pagkakataong ito, may mga luha nang bumabagsak sa aking mga mata.
Ang aking puso ay para bang tumigil sa aking nakikita, na para bang nabasag din ang katahimikan ng aking pagkatao.
Mas bumibigat ang aking paghinga.
Tuluyan siyang nakalapit sa harapan ko.
At sa isang iglap.
Bumuhos ang lahat.
Ang sakit.
Ang pangungulila…
…at ang pagmamahal na matagal kong nakalimutan.
Hindi ako makagalaw, ngunit nanginginig na ang aking buong katawan.
Nakatingin lang ako ng diretso sa kanyang mukha, malawak ang kanyang pagkakangiti, ngunit doon ko rin pansin ang mga luhang bumabagsak sa kanyang mata.
Ang kanyang kaliwang kamay ay umangat, at marahan niyang pinunasan ang mga luha sa aking pisngi.
“Pasensya na…ngayon lang ako…”
Hindi ko na kaya.
Tila ba sasabog na ako.
Hindi ko na siya pinatapos at doon ay mabilis ko siyang hinagkan.
Akin siyang hinalikan.
Isang halik na matagal naming ipinagkait sa isa’t-isa.
Isang halik na nagdala ng lahat ng alaala.
Doon ko napagtanto na hindi lang basta guni-guni ang aking nararamdaman, na baka iniisip ko lang na may puwang.
Mali ako.
Dahil kahit anong gawin kong paglimot, sadyang hindi ko siya makakalimutan.
Gagawa at gagawa ang tadhana nang paraan na muli kaming pagtagpuin…
…ngayon at sa kabilang buhay.
Tulad ng mga araw na paulit-ulit kong pinagmamasdan, ang paglubog nito na may kasiguraduhang muling sisikat kinabukasan dala ang panibagong pag-asa.
Ngunit sa pagkakataong kasama ko siya, ay mas pipiliin ko ang araw na hindi na kailanman lumubog.
Dahil alam ko sa sarili ko na siya ang pipiliin ko…
…araw-araw.
Sa bawat pagkakataon.
Sa bawat buhay.
At sa susunod na habang buhay.
Some loves are not remembered by the mind, but by the soul. No matter how far fate scatters them, they will always find their way home.

